Linggo, Mayo 31, 2015

29. May 2015 Journal (Day 851-881)

May 01, 2015
Friday
(Labor Day)
Year III-121

6g-n. Sadyang kay tulin ng araw at sumapit muli ang buwan ng Mayo. Gawa na Holiday ngayon upang magbigay daan sa pagdiriwang ng Labor Day at walang pasok, di ako maagang nagising at may sigla sa dibdib na bumangon. Pagkatingin sa orasan, Alas-sais pa lamang subalit aakalain mo ng Alas-siete na pagkat maliwanag na sa labas at tirik na ng husto ang haring araw. Tinamaan muli ako ng pagkabato at pakiwaring tinakasan ng kulay ang umaga ko, naisipan muling magpatugtog. Awiting makalangit ang naisipan kong pakinggan at tila lumilipad ang kaluluwa ko patungo sa langit kapag pinakikinggan ang awiting iyon.

 6g-o. Iba talaga ang mararamdaman mo kapag tungkol kay God ang pinapakinggan at kahit parati kang mag-isa, di mo iyon mararamdaman dahil iniisip na naririyan lang si God. Bukod pa roon ay di ka matatakot na kaharapin kung anuman ang mga problema at may tiwalang malalampasan mo ang lahat. Tamang walis-walis at punas lamang ako habang nakikinig ng musika't pakiramdam ko, ang lakas-lakas ko. Matapos ang gawaing bahay ay pagbabantay naman sa tindahan ang inatupag ko. Karamihan sa Costumer namin ay puro mga bata't di ko consistent ang decision nila sa pamimili kaya minsan ay nakakalito, nilawakan na lamang ang pag-unawa sa kanila. Si ina naman, sa bawat pagkakamali ko'y may katumbas na sermon kahit mababaw lamang.

 6g-p. Ayaw kong mauwi sa pagka-imbyerna ang maganda kong araw kung kaya di na lamang inintindi ang kanyang mga sinasabi. Tao lamang ako kaya di maiwasan ang pagkakamali't kahit subukan nating baguhin ang sarili ay magkakamali pa rin tayo. Kinahapunan, ibig ko sanang ipadpad ang sarili sa bahay ng mga kaibigan subalit init ng panahon ang pumigil sa naisin, nanatili na lamang sa loob ng bahay. Para akong presong di makalabas-labas. Upang di tuluyang lamunin ng pagkabato'y inalaan na lamang ang mga nalalabing oras sa paglalaro ng Cellphone. Sa pagsapit ng gabi, nananatili pa ring mainit ang panahon na aming nararanasan, idagdag pa ang sangkatutak na mga lamok na umaaligid at walang habas kung mamapak ng dugo, di tuloy ako makatulog.


May 02, 2015
Saturday

Year III-122

6g-q. Kita ko na ang liwanag ng bukangliwayway sa labas ng magising. Bukas pa gaganapin ang pinakaaabangan at pinakamalaking boksing sa kasaysayan ng mundo subalit ngayon pa lamang ay di na magkandamayaw ang madling Pilipino at nagsisimula ng marinig sa usapan ng kapit-bahay ang tungkol sa laban ng ating pambansang Kamao. Madami na ngang sumasali sa pustahan at kumpiyansang matatalo ni Pacquiao si May Weather. Karamihan talaga sa ating mga Pilipino, likas ang pagiging sugalero, magkaroon lamang ng pera't di na lang idaan sa pagbabanat ng buto. Kahit may kalakasan ang katunggali, nawa'y si Pacquiao pa rin ang manaig sa laban. Panalo niya ay panalo na rin natin. Masiglang-masigla ako ngayon kaya gawaing bahay agad ang inatupag matapos mag-agahan. Maya-maya pa'y naisipan kong lumabas at magkumpyuter. Komportable at di pa maingay sa pinasukang shop kung kaya maayos kong naisagawa ang ibig gawin. Matapos magkumpyuter ay uuwi na sana ako ng biglang makaramdam na sumasakit ang pantog. Pakiwari kong sasabog na ito at di ko na makaya pang pigilin, naisipan ko munang magtungo kila Auntie Andrea upang makiihi.

6g-r. Di sana ako magtatagal sa kanila ng may biglang naikwento sa akin si Auntie. Hindi ako makapaniwala sa sinabi niyang kinompronta ito't pinagsalitaan ng masasakit, labis kong ikinagulat ang mga sinabi niya. Bukod pa doon ay may nalaman pa ko tungkol sa kanya at binalot ng awa ang puso ng makitang tumatangis ito habang nagkukwento. Grabe at di ko akalain na ganoon pala sila kalupit kay Auntie at katakot-takot na sumpa ang kanyang binitawan. Ngayon ko lamang napagtanto na matagal palang may alitan sila Mama at Auntie Andrea. Sa aking nalaman, di ko lubos malaman kung ano ang mararamdaman kay ina. Gusto ko sanang sabihin kay ina ang tungkol sa sinabi ni Auntie Andreakaso nanatiling tikom ang bibig sa takot na ako pa ang maging ugat upang lalo pa silang mag-away. Kailan kaya sila magkakaayos at marahil ay Panginoon na ang bahala sa kanila.

6g-s. Sa halip na mag-siyesta'y inalaan ko ang oras sa pagtitinda, wala namang bumibili. Saka ko pa lamang itinigil ang pagtitinda ng magising si Mama, pilit kong nilalakasan ang loob na ilahad sa kanya ang tungkol sa natuklasan kaso takot ang pumigil sa akin. Matapos magtinda'y naisipan kong gumawi sa bahay nila Cathy. Abala sila sa pagtitiklop ng mga damit ng datnan ko, si Jaka naman, dinaig pa ang malanding kiti-kiti kung mangharot, tuloy ay nakaranas muli ng latay ni Ate Ging. Tamang kwentuhan lamang kaming dalawa at sarap niyang kausap. Sa sarap manatili sa kanila na tila napapalapit na ng husto ang loob ko, di napansing dumidilim na, saka lamang nagpaalam sa kanila ng dumating si Kuya Wilson, kakain na kasi sila at nakakahiya kung makikikain muli.

6g-t. Dumeretso agad ako sa bahay ni Ate Let upang magpa-order ng pabango. Habang nag-uusap kami ay lumabas naman ang asawa nito at bigla akong pinangaralan. Hindi ko akalain na may pagka-Pastor pala si Kuya Rey at napakarami niyang naituro sa akin tungkol sa bibliya. Sa dami ng kanyang naibahagi ay marami akong natutuhan, tuloy ay napatagal pa sa kanila't nakakagaan ng pakiramdam kapag tungkol sa Diyos ang inyong pinag-uusapan subalit sa kanyang mga sinasabi ay mukhang hinihikayat akong umanib sa kanilang relihiyon. Kuntento na ko kung saang relihiyon ako nabibilang ngayon at wala ng balak gawin iyon, ang mahalaga’y patuloy mo inilalagay sa isipan maging sa puso ang ating Panginoon.


May 03, 2015
Sunday
Year III-123

6g-u. Magkahalong sabik at kaba ang agad na naghari sa dibdib sa aking pagmulat pagkat ngayong araw magtutuos ang dalawang pinakamagaling na boksingero sa larangan ng boksing. Kahit sabihing di hamak na magaling si Pacquiao ay di pa rin ako kampanteng mananalo siya sapagkat may kalakasan din ang kalaban niya, isa pa'y wala pang bahid ang rekord niya sa talo. Gayunpama'y di iyon ang sukatan upang lumiit ang posibilidad na manalo ang ating pambansang kamao at umaasa pa rin ako na na magtatagumpay siya. Buong bansa na marahil ay tutok na ang mata sa gaganaping laban mamaya at idaan na lamang sa puspusang panalangin. Mga dakong Alas-Dyis ng buksan namin ang telebisyon, hindi pa naipapalabas ang laban ni Pacquiao, kaya tumungo muna sa tindahan at nagtinda. Sa makalawa na pala ang Midterm exam naming kung kaya nagrepaso na din ako.

6g-v. Pilit kong pinapasok sa utak ang inaaral subalit wala pa rin at puro tungkol sa boksing ang laman ng isipan. Habang lumalapit na ang oras ng kanilang laban ay pasidhi na ng pasidhi na ang sabik at kaba sa dibdib. Nakatulong din ang laban ni Pacquiao kung bakit walang gasinong tao ang pagala-gala sa lansangan at karamihan marahil ay nasa loob na ng bahay at tutok na ang mata sa boksing. Mga dakong Ala-una ng magsimula na ang laban, magagaan lamang ang binatawang suntok sa isa't isa sa unang round at sa bawat suntok ni Pacquiao ay panay ilag si May Weather at bigong matamaan subalit ng dumating na ang mga sumunod na round ay doon na nagsimulang ipamalas ang bagsik ng kanya-kanyang kamao.

6g-w. Nakakatawa ang naging laban nina Pacquiao pagkat sa tuwing mapapaulan ng suntok ni Pacquiao ay dinaig pa ang PBB teens kung makayakap si May Weather at tumatakbo pa. Doon pa lamang ay naisip ko na walang sinabi si May Weather kay Pacquiao. Hindi pa nga natatapos ang laban ay biglang nanlupaypay ang kalooban ko ng ipamalita ng ate na si May Weather ang nagwagi. Nawalan na ko ng gana sa panonood at sa pagkatalo ni Pacquiao ay para na rin akong natalo sa sinalihang patimpalak at ganun ang pakiramdam. Labis akong nadismaya at hindi matanggap ang naging desisyon ng mga Judges subalit kahit anong reklamo'y wala ng magagawa. Bawi na lamang next time kung may rematch.

6g-x. Idinaan na lamang sa paglalaro ng cellphone ang nadaramang lumbay. Habang adik na adik sa paglalaro'y biglang humampas sa pandinig ko ang sigawan mula labas. Pagkadungaw, nakita kong may babaeng nagwawala't sa tikas ay walang mangahas na awatin ito. Bukod sa nagwawala'y nakakapagbitaw ito ng di magandang salita, tila napakalaki ng galit niya sa mundo. Hindi pa man nalalayo ang oras ay may panibago muling insidente ng sigalot ang sumiklab. Tila di na makamtan ang kayapaan sa lugar namin. Kahit mararahas ang awayan, mabuti na lamang at walang nagbuwis ng buhay. May pasok muli kinabukasan at gawa na maaga pa magigising, matapos manood ay kaagad na kong natulog.


May 04, 2015
Monday

Year III-124

6g-y. Hirap pang idilat ang mga mata dala na inaantok pa. Kahit tatlong araw na walang pasok ay pakiwaring napakaikli ng panahon ng bakasyon at di ko man lang ito nasulit. Hindi pa rin mabura sa isipan ang tungkol sa pagkatalo ng ating pambansang kamao at kahit mahirap tanggapin ay kailangan ng ibaon sa limot ang nakaraan, ganoon talaga ang laro at may natatalo at nananalo. Marahil ay mas higit pa ang makakamtan ni Pacquiao kaya iyon ang naging kapalaran niya. Hindi ko maiwasang manghina sa tuwing sumasagi sa isipan ang pagkatalo ni Pacquiao. Dakong Alas-siete y medya na ng makarating sa eskwela't may pagmamadaling tinatahak ang silid sa takot na mahuli ng dating subalit kamag-aral pa lamang ang naroroon pagkalapag ng yapak. Mga dakong Alas-otso na ng dumating si Sir Esguerra at nagsimula ang pangkatang pag-uulat. Bago sila mag-ulat ay nagkaroon muna kami ng palaro. Iyon ay bugtong-bugtungan at kailangang mabuo ang sagot sa pamamagitan ng pag-aayos ng napiling miyembro na may hawak ng letra sa loob lamang ng isang minuto.

6g-z. Sa kagustuhang makakuha ng premyo'y naging tensyonado ang laro at bumilis ang kabog sa kanya-kanyang mga dibdib dahil sa kaba. Sa sobrang lohikal ng bugtong, sa halip na maaliw ay sumakit lamang ang ulo sa kakaisip at lalo pang humirap ang katanungan pagdating sa huling bahagi ng laro. Sa hirap, darating na sa puntong ibig ng sumirit pero nasagutan din naman, iyon nga lamang ay katunggali namin ang nakasagot. Saka lamang sila nakapag-ulat matapos ang palaro at tamang kutkot lang ng napalanunang premyo habang may nagsasalita sa harapan. Bago umuwi, nagkaroon muna kami ng Class Picture. Saka lamang umuwi matapos ang Class Picture. Sa labis na pagkahapo'y diretso Siyesta ako matapos makaapak sa bahay. Hindi makatulog ng maayos dahil maalinsangan at idagdag pa ang maligalig na kapaligiran, saglit lamang akong natulog at pagmulat, kita kong madilim sa labas at malakas na rin ang ihip ng hangin.

6h-a. Kahit paano'y mababawasan din ang init na nararanasan. Ilang sandali pa'y bumuhos na ang milagrong tubig. May nakapagsabing kailangang maligo sa unang ulan ng Mayo na tinatawag na Agua de Mayo pagkat paniniwalang malalayo ka sa sakit at tatalino kung sinuman ang matuluan niyon, kaso di ko binalak maligo dahil di naman kalakasan ang ulan. Kaagad naman tumila ang ulan kinalaunan. Gawa na may pagsusulit kami kinabukasan, ako'y nagrepaso. Pagsapit ng gabi at bago matulog, pagbabasa ng bibliya ang inatupag ko. Napakaraming magagandang aral kang mapupulot kapag nagbabasa ng bibliya at maari nitong ilihis ang iyong buhay mula sa kasalanan. Malapit ng sumapit ang Alas-onse ng ako'y matulog.


May 05, 2015
Tuesday

Year III-125

6h-b. Dalawang linggo na lamang ang bubunuin bago magtapos ang NSTP Summer Class. Bukod sa saya at nakakaaliw pa, tila di ko pa ibig ang magwakas iyon at hiling ko lang na lumawig pa iyon para lumawig din ang panahon na maging maligaya ang araw at makasama ang mabait namingprofessor. Dakong ikalima na ng umaga ng ako'y dumilat at mag-agahan. Sinamantala ang oras sa pagrerepaso habang di pa nagsisimula ang klase, mahirap mag-aral sa lugar na maingay kaya naisipang sa labas magrepaso. Ilang sandali pa, pumasok na si Sir Esguerra at kami'y nagdasal. Naging kapanapanabik muli ang araw dahil nagkaroon muli ng palaro at iyon ay paunahang makarating sa harapan sa pamamagitan ng pagsakay sa sako. Sa halip na maaliw ay naimbyerna ako dahil ang duduga ng ibang grupo. Hindi na ko nakisali pa pagkat mauuwi lamang sa sisihan at sigawan ang laro at kawalang gana. Kahit naging magulo ang palaro, nakatanggap pa rin kami ng premyo at tamang kutkot muli habang sila'y nag-uulat.

6h-c. Di ko na nga marinig ang inuulat nila, sinasabayan pa ng mga kamag-aral kong madadaldal at mas hinigitan pa nila ang boses ng nag-uulat. Pwede naman kasi mag-usap kung di oras ng klase. Sa inis, gusto ko silang sigawan at pagsabihan pero umiral ang takot at hiya sa dibdib. Matapos nilang mag-ulat, tulong-tulong naming inayos ang upuan para sa gaganaping pagsusulit. Binigyan muna kami ng panahon ni Sir upang makapag-repaso. Lumipas ang mahigit sa sampung minuto, nagsimula na ang pagsusulit. Naging madali lamang ang exam kaya di ako nangamote, kaso hirap magsulat ng maigi pagkat kailangan ay Capitalize. Kahit Sakto lamang ang natamong marka, nagagalak pa rin naman pagkat di bagsak at pagbubutihan ko pa lalo. Naghahari na ang antok kung kaya agad akong nagpahinga pagdating ng bahay. Sa sarap ng tulog ko, halos tatlong oras din akong nag-siyesta

6h-d. Matapos maghugas ng plato, naisipang tumungo sa bahay nila Angelicasubalit wala siya ng datnan ko, kila Cathy na lamang ako tumungo. Saktong umaawit sila ng awiting makalangit ng makarating ako at tanging silang tatlo lamang magkakapatid ang naroroon sa bahay. Halos dalawang oras din akong nanatili sa kanila, malapit-lapit ng gumabi ng magpasyang umuwi. Pagsapit ng gabi at habang nanonood ng telebisyon ay ikinadismaya ko ang balita, kaya pala nahihirapang magpakawala ng maraming suntok ang ating pambansang kamao dahil sa iniinda nitong injury sa balikat. Nagtataka lamang ako at bakit di niya agad isiniwalat sa publiko bago ang laban, di sana'y di na umasa pa’t mauunawaan naman namin siya kung di matuloy ang laban. Marahil ay may dahilan kung bakit niya iyon ginawa. Matapos manood ng telebisyon ay agad ng nahimlay sa kama.


May 06, 2015
Wednesday

Year III-126

6h-e. Medyo nakakatamad pang bumangon dahil sa namamayaning antok subalit gustuhin ko pa man matulog ay kailangan ng iangat ang sarili. Hindi ko lamang maiwasang makaramdam ng lungkot sapagkat isang linggo na lamang ang nalalabi, matatapos na ang NSTP at mawawalay na bukod sa magaling ay mabait pa ang aming professor. Nagkakaroon ng galak at sigla ang araw ko sa tuwing may palaro kami at hindi ko iwawaglit sa isipan. Malapit ng mag-ikapito, kaya may pagmamadali ako sa pagkilos at pagdating sa silid, wala pang guro. Kanya-kanyang buka ng mga bibig samantalang naghahanda na ang mga susunod na mag-uulat at magpapalaro. Pauso kasi sila Mica kung kaya magmula sa pangkat nila'y puro may palaro na. Sa pagdating ni Sir Esguerra ay doon na nagsimula ang lahat. Pangkat nila Czarina ang nakasalang sa pag-uulat at bago mag-ulat, nagpalaro muna sila at iyon ay ipapasa ang popsicle stick sa iyong katabi habang tumutugtog ang musika at kung sinuman ang maabutan ng popsicle stick kapag inihihinto ang tugtog ay tanggal na sa laro.

6h-f. Naging kapanapanabik ang laro at di maiwasang mataranta at sumigaw habang ipinapasa ang stick, sa takot na matanggal. Hindi lamang ako pinalad pagkat kaagad na natanggal. Katulad din ng mga naunang pangkat, may ipinamudmod din silang premyo matapos ang laro. Di ko lamang maiwasang mabato pagkat reporting na. Gawa na batong-bato at kita ng dalawang mata na may mangilang-ngilang nag-uusap, nakaipagbaliktaktakan na rin kay Irene. Muntikan ng sumakit ang tiyan ko dahil sa kakatawa't nakakaenganyo itong kausap. Bago pa man kami umuwi, may naituro muna si Sir tungkol sa buhay ni Jose Rizal at ngayon ko lamang ito nakilala ng lubusan. Masaya nanaman ang kamag-aral ko dahil uwian na. Anong alinsangan muli ng panahon habang ipinipihit ang yapak pauwi na animoy nasa loob ka ng hurno. Sa tindi ng init, nakaramdam ako ng hilo.

6h-g. Balak ko sanang maglaba pagdating ng bahay subalit ako'y liyong-liyo na, hindi ko na itinuloy ang balak at dagliang tumulog. Siksik, liglig at umaapaw na kaingayan ang sumira sa nahihimbing kong tulog at naparam naman ang hilo ng magising. Paglabas ko, kita ko ang kalangitan na nababalot ng napakaitim na ulap at nagbabadya muling umulan. Ang mga paslit naman, walang puknat ang paghiyaw at sigaw habang inaabangan ang buhos ng ulan at mayamot-mayamot na ko pagkat ako'y rinding-rindi na sa hiyawan nila. Maya-maya pa'y bumuhos na ang ulan subalit tikatik lamang at di man lang nakatulong upang pahupain ang mga init, ang mga paslit na sabik sa haplos ng milagrong tubig, may lungkot sa mga mukhang umuwi't naghari ang katahimikan.

6h-h. Nanumbalik muli ang ingay pagkaraan ng ilang sandali at sinlutong pa ng piniritong manok ang palitan ng kanilang mura habang may pinagtatalunan. Pinagsabihan na nga sila ng Ate Lorlie, pero ipinagpatuloy pa rin ang pag-iingay at may gana pang managot. Ano ba ang mga ito at walang konsiderasyon sa mga taong napeperwisyo nila at sariling kaligayahan lamang ang iniisip. Hindi na ko makapagtimpi pa't darating na sa puntong gusto ko nang ipamalas ang natatagong bangis at paulanan ng maanghang na salita subalit ayaw ko ng sumiklab muli ang away sa lugar namin, nagtiyaga na lamang sa ingay. Kinagabihan at bago matulog, paglalaro ng Gadget ang siya muling inatupag. Mga dakong ikasampo na ng maisipang matulog.


May 07, 2015
Thursday

Year III-127

6h-i. Malapit ng sumapit ang Alas-sais ng magpasyang bumangon at mag-almusal. Kakaibang sigla muli ang naramdaman ko ngayong umaga't ganadong-ganado sa pagpasok. Hindi pa pumapasok ang aming guro pagdating sa unibersidad at ano pang bago? Samu't saring boses muli ang nauulinig na tila walang kapaguran at di nauubusan ng sasabihin. Ilang sandali pa, pumasok na si Sir Esguerra at grupo nila Irene ang mag-uulat. Bago sila mag-ulat ay nagkaroon muli kami ng palaro, kagaya rin ng Singing bee ang mechanics ng laro't sa oras na ihinto ang awitin ay kailangan dugtungan ng tamang liriko. Mahilig ako sa musika pero mahina ang tuktok pagdating sa liriko kaya tameme ako habang isinasagawa ang palaro. Sa huli, ang katunggaling grupo ang nagwagi, gayunpaman, nakatanggap pa rin kami ng premyo. Saka lamang sila nag-ulat matapos ang palaro at dami nilang pasabog kaya di maiwasang mamangha at ang huhusay pang mag-ulat.

6h-j. Di pa natapos at may ikalawa silang palaro, iyon ay itatali ang dalawang lobo sa'yong paanan at sa loob ng itinakdang oras ay kailangang putukin ang lobo ng mga katunggaling grupo, kung sinuman ang pinakamaraming natirang lobo ay sila ang panalo.  Nang magsimula ang palaro'y mistulang sinasalubong ang Bagong taon kapag napapaputok ang lobo at dinaig pa ang nagbabayo ng barako kung magdikdikan ang mga paa, mapaputok lamang ang lobo ng kalaban. Sumakit ang paa ko pagkat kung sino-sino ang nakakaapak at pilit man iiwas mula sa mababagsik na paa, walang natira sa mga lobo ko. Kahit buwis buhay ang palaro dahil puro tadyakan at apakan ay iyon na marahil ang pinakamasaya para sa akin. Sa huli, grupo nila Rodrigo ang nanalo. Nanatili pa ring masaya ang buhay kahit di pinalad.

6h-k. Bago umuwi, may mahalaga munang inanunsyo si Sir Esguerra. Hanggang bukas na lamang pala ang pasahan ng ipinapadalang halaman at patay, di pa ko nakabili. Kina Irene ako sumabay sa paglabas at dahil medyo pihikan sila sa pagpili ng masasakyan, inabot na kami ng halos isang oras na naghihintay. Nakasakay naman kami kinalaunan at tamang balitaktakan lamang. Sa halip na dumeretso sa bahay, tumungo pa ko sa Quezon memorial Circle upang bumili ng halaman, di na ko nagtagal pa roon at kaagad na umalis pagkabili ng halaman. Habang nasa biyahe, kita ko ang muling pagdilim ng kalangitan, may pagmamadali ako sa pagkilos sa takot na maabutan ng ulan subalit di ako pinalad at inabutan na nga ng malakas na ulan.

6h-l. May kasama pang pagbayo ng hangin at nagkataong nasa labas pa naman ng Tricycle kaya basang basa ako at nangangatog na sa ginaw. Nang makarating sa De Gloria, nabulaga kaming nakasakay pagkat mataas na ang baha. Sa taas ng baha, di na kami naihatid pa ng tsuper sa terminal at na-stranded tuloy. Hinintay ko munang humupa ang baha bago umuwi't sa tana ng buhay ko'y ngayon lamang naranasan ang ganitong sitwasyon. Nang bahagyang bumaba ang baha, lakas loob kong sinuong ang baha sa kabila na mabaho at puro basura at dumi-dumi ang inaanod. Amoy kanal tuloy ako pagdating sa bahay at dagliang nagbanlaw. Sa pagod ay kaagad akong natulog at dapit-hapon na nagising. Maaga nanaman magigising bukas kaya matapos manood ng telebisyon, kaagad ng natulog.


May 08, 2015
Friday
Year III-128

6h-m. Huling araw na ng pasok para sa linggong ito at sadyang kay tulin ng takbo ng panahon. Anong hirap ng kalagayan ko habang pumapasok dahil sa dalang Citronella plants at sa kati nito’y di maiwasang mangamot. Saktong wala pang guro pagpasok sa silid. Maya-maya pa, pumasok na si Sir Esguerra. Hindi nga lamang ito makapag-lecture pagkat ito'y paos. Sa halip na magklase, nanood na lamang kami ng Video at iyon ay Backmasking part 2. Hindi ko lubos mapaniwala ang sarili na may Satanic message ang mga kanta kapag binaligtad, iniisip ko na marahil ay sinadya lamang o baka aksidenteng naipasok ang mensahe sa mga kanta. Gulat ang mga kamag-aral ko ng malaman na isa sa Illuminati songs ang kantang kinahuhumalingan nila.

6h-n. Maging ako'y nagulat at natakot na rin. Matapos ipalabas ang video, nagkaroon muli ng pag-uulat subalit saglit lamang. Dahil di na kagandahan ang tinig ng aming butihing guro at di pa oras ng uwian, naisipan na lamang ni Sir Esguerra na magpalabas ng pelikula. Fast and Furious ang pinanood namin. Sa unang bahagi, di ko kinalugdang panoorin ang pelikula pagkat mukhang nakakabagot pero tumaas ang sabik sa dibdib ng kalagitnaan na. Grabe ang lupit at buwis buhay talaga ang bawat eksena ng palabas. Karamihan sa mga gumaganap ay nasa bingit na ng kamatayan.

6h-o. Kapag ibang bansa ang gumawa, ang husay at aakalain mong totoo ang mga trahedya. Sa ganda, ibig pa sana tapusin subalit kinapos na sa oras. Nagpasa muna ako ng Citronella plants bago umuwi at di maiwasang mangamot pagkat makati ito. Wala ang ilaw ng tahanan pagdating ng bahay kaya diretso pagbabantay ako sa tindahan matapos magbihis. Malapugon muli ang init ng panahon na aking nararanasan, sa init ay di na matiis pang maligo. Kinagabihan, panonood ng pelikula ang inatupag ko at di mapigilan ang bibig sa kakahalakhak. Naging masaya ang gabi ko kahit mababaw dahil sa Comedy show. Dakong Alas-onse na ng mapagpasyahang matulog.


May 09, 2015
Saturday

Year III-129

6h-p. Panibagong araw, panibagong pag-asa rin ang naghihintay at ako'y nagagalak sapagkat sa kabila na sinrami na ng buhangin ang kasalanan ko'y di pa rin nagsasawa ang Panginoon upang protektahan ako mula sa masama. Nawa'y di na madagdagan pa ang mga pagkakasala ko. Inaamin ko na makasalanan ako pero pinipilit baguhin ang mga gawi at nawa'y di iyon mabali. Sa sarap at tamis ng tulog, sumikat na ang araw ng dumilat ang dalawang mata at di na nagpatumpik-tumpik pa sa pagbangon. Matapos malamnan ang sikmura ng mainit na kape'y gawaing bahay agad ang siyang inatupag. Bahagya akong nakaramdam ng pagod matapos magwalis at magpunas subalit di pa kailangang magpahinga. Kahit may nagbabantang unos ay naging maaliwalas pa rin ang lagay ng panahon at sinamantala ko iyon upang maglaba. Kung kailan malapit ng magsampay ay saka pa nagtago ang araw at di na nagpakita pa. Pangambang-pangamba akong baka di matuyo ang sinampay.

6h-q. Sa dami ng aking inasikaso at ginawa, magkahalong gutom at pagod ang inabot. Diretso tungo agad sa kusina pagkaluto ng ulam at sabay subo ng malakas na tila walang pakundangan sa pagkain. Malahalimaw ako bumanat ng pagkain pero malatingting pa rin ang pangangatawan, saan kaya napupunta ang kinakain ko? Sa halip na ilaan ang oras sa pagsi-siyesta, pagtitinda ang inatupag ko. Sa bawat sentimong humahaplos sa palad ay tuksong tuksong ibulsa pero kinaya kong labanan at nanaig pa rin ang malinis na konsensiya. Maya-maya pa at pagdating ni Mama ay saka ko pa lamang itinigil ang pagbabantay sa tindahan at tumungo muli kila Cathy.

6h-r. Pagkatungo, silang tatlo mulingmagkapatid ang nadatnan ko. Lumipas ang ilang sandali at dahil may ensayo pa si Cathy para sa Worship, nagpaalam na ito sa amin at isinama si Janna. Kaming dalawa na lamang ni Jaka ang naiwan. Masyado pang maaga at di ko pa nais umuwi kaya sinamahan muna si Jaka at kwentuhan. Kahit medyo may kakulitan ang bata, natuwa pa rin ako sa kanya't mistulang paslit kung makipaglaro sa kanya. Ng mapansing dumidilim na ang kalangitan, kinailangan ko ng iwan si Jaka. Habang pauwi'y tila di ko maikilos ang paa'tguilty na guilty na iniwan si Jaka, tama ba ang ginawa ko sa kanya?

6h-s. Kahit di kapatid, di ko maiwasang mangamba't binabagabag ako ng konsensiya. Marahil ay wala naman masamang mangyayari sa kanya pagkat batid kong di siya pababayaan ng Diyos. Kasabay ng pagkagat ng dilim ang pagbabadya ng buhos ng ulan, sa halip na tuwa'y takot ang namayani sa dibdib pagkat naulinig muli ang kulog at baka bumaha nanaman. Ilang sandali pa'y bumuhos na ang malakas na ulan. Animo'y Bagyong Ondoy sa tagal at lakas ng ulan at sinabayan pa ng pagbayo ng hangin. Nang tumila, naisipan kong lumabas at pagkadako sa Ison Site ay tumambad ang lampas taong baha at di na madaanan. Kahit paano'y nakatulong ang ulan upang maibsan ang init na aming nadarama.


May 10, 2015
Sunday

(Mother's Day) 
Year III-130

6h-t. Kahit may mga panahon na di kami nagkakasundo ni ina at nagagawa pang sumama ang loob sa kanya ay nanatili pa rin sa puso ang pagmamahal sa kanya at di limot ng isipan ang mga naitulong niya sa akin at sa mga kapatid. Hindi naman marahil sa mga nanay natin kung bakit tayo naririto sa mundo. Di talaga matatawaran ang ipinapakitang pagmamahal nila sa atin at kahit gaano kahirap at buwis buhay pa, gagawin pa rin ng isang ina alang-alang sa pangangailangan at kaligayahan ng anak. Kahit di marangya ang buhay, masaya na ko dahil may nanay akong umaagapay at nagpatnubay sa anumang landas na aming tatahakin. Pagkagising at unang sulyap pa lamang kay ina ay daglian ko itong binati. Naiingit lamang ako sa sarili dahil ni isang regalo'y hindi man lang maihandog sa kanya samantalang may nagbigay sa kanya ng rosas kahit inaanak lamang niya ito.  Idinaan ko na lang sa pagtulong-tulong. Habang nagkakape'y inis muli sa dibdib ang umiral ng utusan ng ate. Makautos ay akala kung sino at may gana pang manigaw. Sa yamot, ibig ko ng magwala pero di ko magawa. Lalo pang nadagdagan ang yamot sa dibdib ng utusan na linisan ang kalat sa mesa.

6h-u. Ako na nga ang naghuhugas, ako pa ang maglilinis sa mesa, napakaswerte naman niya. Halos magkandabalat-balat na ang palad ko sa kakahugas samantala siya, nakaupo lamang at pakulwit-kulwit ng Cellphone. Sa tambak na hugasin na tila matatagalan pa bago matapos, sinabihan ko ito na siya na lamang bahala sa mesa subalit nakakapasong salita ang ipinukol sa akin at tila walang karapatang magreklamo. Nakakainis ang mga taong walang naitutulong at nagpapakasasa lamang sa sarap habang hirap na hirap ka na sa ginagawa. Kung makapag-utos siya, parang di kapatid kundi alila ang turing sa akin. Hindi naman ako makakapayag na hayahay lamang siya kaya todo pakiusap sa kanya, hindi naman naimik at patuloy pa rin ito sa ginagawa. Sa puntong iyon, naubos na ang pasensiya ko at di na napigilang magpuyos ang damdamin. Sa yamot, nagawa ko na siyang pagsalitaan ng di magaganda, tuloy ay sagutan kaming dalawa.

6h-v. Maya-maya, bigla itong umalis at nakakawala ng respeto ang ginawa niya at tinalikuran ako. Punong puno talaga ng poot ang kalooban ko nun kaya padabog akong naghugas, sa pamamagitan lamang iyon ay mailabas ang iniindang galit sa dibdib. Humupa naman ang yamot sa dibdib kinalaunan at pumalit ang sigla at magaan na pakiramdam. Matapos ang gawaing bahay, pagbabantay sa tindahan ang sunod kong inatupag. Ang kaninang inis kay ate, naparam na't natutuwa ako pagkat nagiging maayos na kami. Maya-maya pa, tanghalian na't kanina pa kumakalam ang sikmura kaya diretso tungo agad ako sa kusina. Hindi naman gasinong maaliwalas ang panahon at sarap sa pakiramdam dahil mahangin at makulimlim. Wala akong ginawa sa buong maghapon kundi maging abala sa pagtitinda at sa gawaing bahay. 

6h-w. Kinagabihan, saka lamang nakalayas at gumawi sa bahay ng Ate Let. Saktong nadatnang naroroon si Kuya Rey na nagbabasa ng bibliya, inaasahan ko na pangangaralan niya akong muli pero di iyon nangyari. Sumaglit lamang ako sa kanila at agad ng umuwi. Napakarami kong tawa habang pinapanood ang Your Face sounds Familiar lalo na ng mag-perform si Melai, kuhang kuha ang hitsura ni Elizabeth Ramsay maging sa paraan ng pagsasalita at kilos. Muntikan ng sumakit ang sikmura dahil walang humpay ang halakhak at nag-uumapaw ang kaligayahan ko ngayong gabi. Ilang saglit pa, nagpasya ng matulog. Happy Mother's Day. Nawa'y humaba pa ang buhay ng aking nanay upang lumawig pa ang panahon na makapiling ko siya't magkaroon pa ng pagkakataong patunayan sa kanya na marami pa kong dapat ipakitang kabutihan.


May 11, 2015
Monday

Year III-131

6h-x. Sumapit nanaman ang araw ng Lunes at balik muli sa maagang paggising upang pumasok sa eskwela. Eksakto Alas-siete y medya na ng makarating ang yapak sa eskwela subalit wala pang guro, batong-bato talaga ako at kakatamad makipagdaldalan, nilibang na lamang ang sarili sa paglalaro ng Cellphone. Sa sobrang humaling ng mata sa paglalaro'y wala akong kamalay-malay na nakapasok na pala si Sir Esguerra. Tungkol sa pakikipagkaibigan at pag-ibig ang itinuro niya sa amin at buhay na buhay muli ang katawang lupa ng mga kamag-aral ko. Di mapigilang kiligin at humiyaw ng ikwento ni Sir ang tungkol sa kanyang love life. Kung iisipin, napakakulay ng naging pag-iibigin nila't sintamis ng asukal na tipong kayang akitin ang maraming guyam at hantik, kaso pumalit ang kalungkutan ng ipabatid niya sa amin na pumanaw na ang kabiyak nito. 

6h-y. Bukod pa roon ay marami pang naibahagi sa amin si Sir Esguerra at kaawa-awa ang naging karanasan nito pagkat maraming trahedya ang dumagok sa kanyang buhay bago namin ito makilala. Muntikan na kong maiyak sa kanyang mga kwento pero nakakabilib dahil di siya sumuko at naging matibay ang pananalig sa Diyos. Suwerte talaga namin dahil bukod sa mahusay magturo, makadiyos pa. Sana dumating pa ang pagkakataon na maging guro pa namin ito. Bago umuwi, inanunsyo niya na bukas na magsisimula ang Job Interview at kumurot agad ang kaba sa dibdib ng marinig iyon. Hindi ko pa ibig ang umuwi at tumungo pa sa Computer Shop. Dakong Ala-Una na ng makarating ako sa bahay. Tinamaan muli ng pagkabagot kaya naisipan muling libangin ang sarili sa paglalaro ng Gadget.

6h-z. Sa labis na humaling na halos ikaadik ko na, sumapit na pala ang Alas-singko at kailangan ko pang magsaing. Dami ding hugasin sa lababo at sa takot na maulanan ng katakot-takot na sermon ay iyon ang pinag-ukulan ko ng panahon. Kaso sa dami ng dapat gawin ay tarantang-taranta na at di alam kung ano ang uunahin. Natapos ko din naman lahat at kay sarap sa pakiramdam kapag nakakatulong ka kahit maliit lamang at pakiwaring may pakinabang ang 'yong sarili. Maya-maya pa at pagsapit ng gabi, panonood muli ng telebisyon ang inatupag ko. Ang buhay nga naman ng tao, kapag ginagawa nila ang bagay na iyon at kinagawian, mahirap ng baguhin at iwanan. Ibig ko na sanang huwag ng manood dahil gastos lamang sa kuryente pero di ko kaya tigilan at di makukumpleto ang gabi kapag di nasusubaybayan ang paboritong programa. 


May 12, 2015
Tuesday

Year III-132

6i-a. Huling limang araw na ng aming NSTP summer class, ngayon pa lamang ay di na mapigil ang malungkot, lalo na't limang araw na lang kaming magkakasamang magkaklase't limang araw na lamang din makakasama si Sir Esguerra. Sa maikling panahon na nakasama namin ito ay maraming bagay akong natutuhan sa kanya. Pagdating sa eskwela, nabulaga ako dahil nakalimutan kong may takdang-aralin pala kami. Dali-dali akong gumawa habang di pa pumapasok ang aming Professor at hirap mag-isip pagkat maingay. Maya-maya pa'y pumasok na si Sir Esguerra, biglang kumabog ang kaba sa dibdib pagkat ngayong araw na magsisimula ang Job Interview, pero bago pa man iyan ay may itinuro muna siya sa amin tungkol sa Drugs and Medicine. Pasidhi ng pasidhi ang umiiral na kaba habang napipinto na ang Job Interview at sige ako sa pagkakabisado ng sasabihin.

6i-b. Bahala na sa akin ang Panginoon kung sakaling matawag ako. Sa kada lecture ay may katumbas na kwento sa amin si Sir na tila di nauubusan, kaya aliw na aliw kami. Maya-maya, laking gulat at tuwa namin ng ipakita sa Screen projector ang mga litrato niya kasama ang mga bigating artista. Ibang klase din ang guro namin at ngayon lamang namin nalaman na gumanap na pala sa ilang palabas ang aming guro, di ko akalain na talento niya rin pala ang umarte at nag-artista na lang dapat siya sa halip na professor. Mangha-mangha talaga kami sa kanya at may guro pala kaming artista. Matapos ang masayang kaganapan, Job Interview na subalit nakahinga kami ng maluwag ng ianunsyo na bukas na iyon sisimulan at magtuturo lamang siya. Ilang saglit pa, uwian na. 

6i-c. Pagdating sa bahay, magkahalong pagod at gutom ang naramdaman ko kaya diretso kain at tulog na. Paggising, bumuhos nanaman ang malakas na ulan. Ibig ko sanang maligo, kaso bagong gising lamang ako at baka ako'y samain. Sa lakas ng ulan ay marami-rami rin ang nagsiliguan at tila marahil ay magkakaroon muli ng pagbaha. Huminto naman ang ulan kinalaunan at sumilip ang haring araw. Wala akong ibang inatupag sa maghapon kundi manood ng Video sa pamamagitan ng Cellphone. Maya-maya pa, Alas-singko na't di pa pala nakakapagsaing. Habang unti-unti naghahari ang dilim ay bigla na lamang ako nagkaroon ng sipon, simple lamang iyon kung kaya binalewala ko subalit sa paglipas ng mga sandali'y lalo pang lumalala ang aking kalagayan hanggang sa dumating sa puntong sumikip na ang paghinga ko, hinihika nanaman marahil ako't ginamit agad ang inhaler.

6i-d. Dala marahil ng pabago-bagong lagay ng panahon kaya biglaang sumama ang pakiramdam ko. Mabuti na lamang, di ako natuluyan sa kabila na napakasama na ng lagay na tila may sumasakal sa akin at labis ko iyon ipinagpapasalamat. Sila Mama at Papa, walang humpay kung paulanan ako ng sermon ng malamang may nararamdaman ako, hinayaan ko na lamang sila't para rin naman sa ikakabuti ko ang sinasabi nila. Bumalik naman sa dating ayos ang kalagayan ko bago tuluyang lumalim ang gabi. Marahil ay habang buhay ko ng tataglayin sa katawan ang pagiging hikain at sipunin.


May 13, 2015
Wednesday

Year III-133

6i-e. Maliwanag na sa labas ng ako'y magising. Medyo tinatamad talaga akong bumangon subalit di ko naman ibig na masayang ang araw na ito na walang matututuhan at makukuhang aliw, kung kaya nilabanan ko kung anuman ang bumabalakid sa naisin. Isa pa'y ilang araw na lamang ang nalalabi na kami’y magkakasama at sayang naman kung di ko kukumpletuhin ang NSTP summer class. Mukha agad nina Anne Rose ang sumalubong sa pagdating ko sa eskwela. Natutuwa naman ako pagkat matapos ang ilang araw na di nag-uusap at pagpapansinan dahil lamang sa bagay na hindi napagkaunawaan, naging maayos na ang aming pagsasamahan at nagkapatawaran na. Magkasama muli kaming lima na pumasok sa silid. Hindi pa pumapasok ang butihin naming guro na si Sir Esguerra kaya patuloy na naghari ang ingay. Nangibabaw ang katahimikan ng pumasok Sir Esguerra at kami'y nagdasal.

6i-f. Habang lumilipas ang mga sandali'y unti-unting sumisidhi ang kaba sa kanya-kanyang dibdib dahil ngayong araw na gaganapin ang Job Interview. Balak ko sanang magkabisado ng sasabihin habang nagtuturo si Sir, kaso baka ako mahuli't mas nais ko pang makinig. Tungkol sa Food pyramid ang itinuro niya sa amin at napakasarap ng buhay bilang estudyante kapag si Sir Esguerra ang naging maestro mo. Paano sa bawat turo niya ay parating sinisingit ang salita ng Diyos at mistulan siyang Pastor. Tuwa muli ang namayani sa kanya-kanyang mga dibdib dahil di muli natuloy ang Job Interviewat itinuro lamang niya ang tungkol doon. Sadyang makuwento talaga ang aming guro at napakarami niyang karanasan na naibahagi sa amin noong siya'y nakasalang sa interview.

6i-g. Bago pa man magtungo sa kanya-kanyang tahanan, may mahalaga pang inanunsyo sa amin si Sir.  Sa tindi ng init ay muntikan ko ng ikatupok habang nasa biyahe at tila mauubusan na ng tubig sa katawan. Kaagad akong kumain at lumagok pagtungtong ng yapak sa tahanan at matapos ay diretso hilata sa kama. Kinahapunan, nagtungo ako sa bahay ng Ate Let upang maghulog para sa pabango. Wala ito ng datnan ko subalit nandoon naman si Kuya Rey at abala muli sa pagbabasa ng Bibliya. Sa muling pagkakataon ay pinangaralan muli ako ni Kuya Rey tungkol sa bibliya. Hindi sana ako magtatagal sa kanila pero sa dami ng kanyang itinuro at napag-usapan, inabot na ko ng gabi.

6i-h. Anong gaan at ginhawa sa dibdib ang naramdaman ko pag-uwi at kadalisayan ng buhay ang iyong matatamo kapag tungkol sa salita ng Diyos ang napag-uusapan. Makasalanan akong nilalang pero dahil doon, pakiwaring nabawasan at tila lumilipad ako sa sobrang gaan ng pakiramdam. Nabahiran ng lungkot at habag ang kaninang maginhawang pakiramdam ng mapanood sa balita ang tungkol sq nangyaring sunog doon sa Valenzuela at kalunos-lunos ang sinapit ng mga nasunugan. Sa ngayon ay di pa naaapula ang sunog at inaasahang tataas pa ang naitatalang nasawi. Diretso kulwit agad ng Android phone ang inatupag ko matapos manood at bago matulog. Grabe at naadik na ko sa laro at di na magawang awatin ang sarili. Ilang saglit pa ay naisipan ko ng matulog.


May 14, 2015
Thursday

Year III-134

6i-i. Nakakalungkot kung iisipin dahil bilang na ang mga araw na kami'y magkakasamang magkaklase lalo na sa aming guro at sobrang mami-missnamin ang isa’t isa. Sadyang napakatulin ng takbo ng panahon at di namalayan na malapit ng matapos ang aming NSTP Summer Class. Namayani muli ang katamaran sa buo kong pagkatao subalit di ako panaig at nagpatuloy pa rin sa pagpasok. Pagdating sa eskwelahan, bulto-bultong dami ng estudyante kaagad ang bumungad sa akin habang ako'y naglalakad patungong silid. Karamihan sa kanila, may hawak na walis tambo at dustpan at yung iba nama'y Garbage bag. Ngayong araw pala ang kanilang Community service at tila may magaganap na Brigada Eskwela.

6i-j. Nandoon na sa pisara si Sir Esguerra pagkapasok ko at abala ito sa pagsasaayos ng Screen projector. Di makakapagturo ngayon si Sir Esguerra dahil may mahalaga itong lakad upang mamahala sa Community service. Sinigurado niya munang gumagana ang projector bago ito umalis. Nanood lamang kami ng Film na pinamagatang Sound of Music. Sa ganda at husay ng pagkakagawa ng pelikula, di ko maialis ang mata sa pagtutok at nakakawili itong panoorin, lalo na ng umaawit ang mga tauhan at kay sarap pakinggan ang kanilang tinig pagkat matinis at tila ginto kung kuminam. Para tuloy kaming nanonood ng Theater play dahil maya't maya ang pag-awit nila. Sa labis na halina sa panonood, di napansing dalawang oras na ang lumipas at nakabalik na si Sir.

6i-k. Magkakaroon sana ng Job Interview subalit muli kaming pinalad pagkat di natuloy at mas pinili na lamang tapusin ang pelikula. Lagpas Alas-dyis y medya na ng matapos ang Film at di namin maiwasang gayahin ang paraan ng pag-awit ng mga tauhan, lalo na si Julie Andrews. Habang patungo ang yapak namin palabas ay biglang nagkakulay ang araw ko ng masilayan muli si Timothy James at nakakabaliw pa rin ang kakisigan nito. Akala ko, napawi na ang pagnanasa sa kanya, pero ng masilayan ito ay kumurot muli ang kilig sa dibdib. Sina Anne Rose naman, hala at panay ang pambubulyaw sa akin, ang ingay at harot tuloy naming magkakasama.

6i-l. Masaya pa rin ako kahit iglapan ko lamang ito nakita at pakiwaring nababalutan ng hugis puso ang buhay ko. Sa gutom na kanina pa iniinda'y diretso lamon ako pagdating sa bahay. Matapos kumain, ako'y pansamantalang nag-siyesta. Malapit ng sumapit ang Alas-kwatro ng ako'y magising. Gabundok ang tambak na hugasin sa lababo at iyon ang inatupag ko. Bago pa man gumabi, naisipan kong maglaba. Kakaunti lamang ang nilabhan kaya kaagad din ako natapos. Kinagabihan, nakakalungkot para sa lahat ng namatayan dahil pumalo na sa halos isang daan ang nasawi dahil sa naganap na sunog. Kung titingnan sa Aerial Survey ay wala na halos natira sa pabrika't nakakapanlumo naman. Kasabay ng panahon ng tag-init ay panahon din ng sunog at kailangan talaga ng ibayong ingat upang maiwasan iyon.  


May 15, 2015
Friday

Year III-135 

6i-m. Huling dalawang araw ng aming NSTP Summer class. Sa antok at sarap matulog ay malapit ng sumapit ang ikaanim ng ako'y dumilat at bumangon. Medyo tinanghali na ng gising kaya may pagmamadali akong kumilos sa takot na mahuli't di ko ibig na makunsumi ang aming dakilang guro. Kasabay ng maningning na aliwalas ng panahon ay magkahalong sigla at saya ang namamayani sa dibdib kaya ganadong-ganado akong pumasok. Isa pa'y tila pintuang nagbukas ang pag-asa ko nang makita ko siyang muli at sana'y maulit muli. Malapit-lapit ng mag-ikawalo ng makarating ang yapak sa silid subalit di ko pa nadadatnan si Sir Esguerra. Habang di pa pumapasok si Sir ay naging abala kami sa paglalagay ng Scatch tape sa kanya-kanyang mga T-shirt. Ako lamang pala ang bukod tanging may dalang Scatch tape kung kaya dumagsa ang karamihan sa kamag-aral upang manghingi ng Scatchtape.

6i-n. Labag man sa kalooban na magbigay sa takot na maubusan, pero binabagabag naman ako ng konsensiya kapag nagdamot kaya nagawa ko pa rin ipamahagi. Kay gaan sa pakiramdam kapag nagbibigay ka't pakiwaring siksik, liglig at umaapaw na pagpapala ang iyong makakamtan. Sa dami ng nanghingi ngScatchtape ay muntikan ng maubos at naging maingay ang buong silid. Kanya-kanyang balikan sa upuan ng pumasok si Sir Esguerra. Marubdob na kaba agad ang namayani sa dibdib pagkat tuloy na tuloy na ang Job interview at isa-isa kaming tinawag subalit mangilan-ngilan lamang at suwerteng di ako natawag. Matapos ituro ni Sir ang tungkol sa Job Interview, may ipinakita siyang libro sa amin. Walang sulat at anumang larawan at tanging matitingkad na kulay lamang ang laman.

6i-o. Palaisipan sa amin kung ano ang ibig ipahiwatig ng aklat na kanyang hawak. Sa bawat buklat ng pahina'y binibigyan niya ito ng kahulugan at kwento. Nakakamangha ang inilahad na kwento sa amin ni Sir pagkat tungkol iyon sa naging karanasan ni Jesus at mistulan kaming nakikinig ng Bible Study. Bago umuwi, pinayuhan muna kami ni Sir. Habang nagsasalita'y naging emosyon ito sa aming harapan at kita ko kung gaano kawagas ang pagtanggap niya sa amin bilang estudyante. Sa bawat salitang binibitawan niya'y mistulang daliring kinakalabit ang dibdib ko't muntikan na kong maiyak. Sadyang kay palad namin dahil nakakilala kami ng ganong klaseng guro na busilak ang kalooban at may takot sa Diyos.

6i-p. Sana siya na lamang ang naging tatay ko, dahil sa tingin ko'y mas magiging matuwid ang magiging takbo ng buhay at ugali. Bukod pa roon ay mas magiging matatag at malakas pa ko kapag siya ang tumayong magulang. Nagpasalamat naman si Sir ng banggitin ko iyon at sa totoo lamang, wala siyang katulad sa lahat ng naging guro ko. Mabait, mapagbigay, maunawain, masipag, lahat marahil ng positibong katangian ay nasa kanya na at wala akong makitang pangit.  Sa dami ng kanyang ipinayo sa amin, di namalayang Alas-onse na pala't pumasok na ang kasunod na magkaklase. Maya-maya pa'y lumabas na kami't sina Robenna ang nakasabay ko sa pag-uwi. Nang una'y puro angas lang ang kaya niyang ipakita sa amin pero di pala at nakakatuwa silang kasama at kakwentuhan.

6i-q. Sa layo at tagal ng biyahe ay malapit ng sumapit ang Ala-una ng makarating ang yapak sa bahay. Matapos magsiyesta, tumungo muli ako sa bahay nina Cathy subalit wala ito at sila Jaka lamang ang nadatnan ko, bumalik muna ako sa bahay. Pagkabalik, saktong naroroon na si Cathy sa bahay maging si Ate Ging. Maya-maya pa'y inaya ako ni Cathy na magkumpyuter, kahit walang dalang pera at bilang pakikisama'y di na ko nakahinde pa at sinamahan siya, sagutin naman niya ang renta. Madilim-dilim na ng matapos kami sa pagrerenta't pagdaan ng yapak sa bahay ay kinailangan ko ng magpaalam sa kanya. Sayang lamang at di ko na siya makikita magmula bukas dahil may dadaluhan itong seminar. Pagkain agad ang hanap pagkapasok sa bahay at matapos kumain ay panonood kaagad ng telebisyon ang inatupag. Naging maalinsangan muli ang panahon at idagdag pa ang maingay na kapaligiran kaya pahirapan ang makatulog.


May 16, 2015
Saturday

Year III-136

6i-r. Dakong Alas-sais pa lamang ako nagising at bumangon. Gawaing bahay kaagad ang inatupag ko ng makapag-almusal. Sinigurado ko munang malinis ang buong bahay bago tumigil. Sumunod ay pagbabantay sa tindahan ang pinagkaabalahan ko. Nagagalak naman ako dahil di mahina ang bentahan at sunod-sunod pa nga ang dating ng mamimili. Saka ko lamang Itinigil ang patitinda ng dumating si Mama. Nakakabatong manatili sa bahay kaya naisipan ko muling magkumpyuter. Kasing kupad ng pagong ang takbo ng internet kaya di ko maiwasang mairita. Matapos magkumpyuter at dahil batid ng isip na kaarawan ngayon ni Auntie Andrea, bumisita pa ko sa kanila. Tanging mga supling lamang niya ang nadatnan at ipinabatid na may pinuntahan ito, hindi ko tuloy siya mabati. Nanatili muna ako sa kanila upang hintayin si Auntie Andrea subalit sa tagal at gawa na ako'y naiinip na, hindi ko na nagawa pang maghintay. Diretso kain ako ng pananghalian pagkadako sa bahay. 

6i-s. Maya-maya'y pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko. Naghari ang inis sa dibdib at ako'y pahiyang-pahiya sa ginawa ni ina. Kabilin-bilinan niya sa akin na sabihing walang yelo kapag may bumibili, tapos ng bumalik angCostumer na kanina'y sinabihan ay laking gulat ko na lamang ng biglang pagbentahan ni ina ng yelo. Tuloy ay parang pinalabas niya na sinungaling ako't binali niya ang usupan namin. Pahiyang-pahiya ako ng mga sandaling iyon at di ko mapigilang magtanim ng sama ng loob sa kanya. Sa yamot ay napawi na ang gana ko sa pagtitinda't naisipang umalis. Sa bahay nila Angelica ako nagtungo't ibinuhos ko sa kanila ang lahat ng hinanakit sa dibdib. Tila papel ang dibdib ko ng ito'y gumaan matapos mailabas at pumalit ang tuwa pagkat kahit paano'y may mga tao pa rin na handa akong pakinggan at tulungan, kahit iilan lamang.

6i-t. Ang usapan namin ni Angelica napadako tungkol sa Sports at ngayon ko lamang napagtanto na hilig niya pala ang maglaro ng Volleyball. Ilang sandali pa'y nanghiram kami ng bola at naglaro ng Volleyball. Sa haba ng panahong di nakakapaglaro ng Volleyball ay nawalan na ang kahusayan ko at parating palyado ang tira. Sa oras na tirahin ang bola'y pahirapan sa akin na saluhin iyon at madalas ay kung saan-saan napapadpad. Laking hanga ko kay Angelica pagkat ang galing niya at dami nitong alam sa paraan ng paglalaro ng Volleyball. Pwede na itong maging Coach. Kahit di ako bihasa sa paglalaro ng Volleyball ay naaliw pa rin ako, iyon nga lamang ay nanakit ang kamao ko sa kaka-spike.

6i-u. Sa labis na tuwa'y tila limot na ng dibdib ang kahihiyang nadarama. Sumunod ay sa bahay ni mareng Shiela ako tumungo. Abalang-abala ito sa paglalaba ng datnan ko at tamang huntahan lang kaming dalawa. Sa dami ng napag-usapan, malapit ng maghingalo ang liwanag ng maisipan kong umalis sa kanila. Hindi ko pa ibig ang umuwi sa kadahilanang di pa naghihilom ang sugat na nilikha ni ina, bumalik pa ko kina Angelica. Sa totoo lamang ay sumasaya ang buhay ko sa tuwing naroroon sa puder nila't nakakatuwa silang kakwentuhan. Kahit di hamak na dukha'y ibig ko na ang buhay nila dahil masiyahin sila't marunong makisama.

6i-v. Kumagat na ang gabi't labag man sa kalooban na umuwi'y wala akong magagawa kundi umuwi na. Mapupusok at nakakapasong sermon ang inabot ko pagdating sa bahay. Naiinis ako sa mga magulang ko, minsan na nga lang lumayas ay may naririnig pa. Pakiramdam ko, wala akong kalayaan kung anong ibig gawin sa buhay at parating may kalakip na sermon ang bawat naising gagawin ko, wala naman akong ginagawang masama. Hindi batid ng isip ang dahilan kung bakit ganyan ang pakikitungo nila sa akin. Pakiwaring wala na kong ginawang tama sa Mundo. Hindi ko na ibig na lumaki ang away kaya binalewala na lamang ang bumubulalas sa kanilang bibig at marahil ay sundin ko na lang sila.


May 17, 2015
Sunday

Year III-137

6i-w. Sumapit muli ang araw ng Linggo at may pasok nanaman kinabukasan. Samu't saring ingay mula sa labas ang sumira sa masarap kong tulog, pakiwaring tangahali na kaya bumangon na ko. Habang nag-aalmusal ay biglang inutusan ako ni ina. Kahit nanatili pa rin ang sama ng loob sa kanya'y hindi ko pa rin magawang tumanggi. Matapos mag-almusal, tumungo na ko saTaas upang mamili ng paninda maging kagamitan na kakailanganin bukas para sa aming Community Service. Dahil ngayon idinaraos ang piyesta sa Sitio Taniman ay kabi-kabila na ang binyagan at kasiyahan. Matinding pagod ang inabot ko at halos maligo na sa sariling pawis pagdating ng bahay. 

6i-x. Nang makapagpahinga, pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag. Pagkairita ang siyang umiiral kapag paslit ang bumibili, paano'y ang bagal-bagal pumili at hirap tukuyin kung ano ang ibig nilang bilhin, hinabaan na lamang ang pasensiya. Kailangan sa isang tindero/a ang pagiging pasensiyoso/a. Maya-maya'y biglang kumulimlim at nagbabadya na marahil ang ulan. Balak ko pa naman ang maglaba subalit sa pangambang mabasa ng ulan ay di ko na itinuloy. Batong-bato na kong manatili sa tahanan at kating-kati ng maglakwatsa subalit di ko nais na maulanan muli ng sermon. 

6i-y. Di ko maiwasang isipin na mabuti pa ang mga kabataan na pagala-gala at tambay dito pagkat malaya silang nakakalayas at nagagawa nilang makisalamuha sa kahit na sino kaya dumarami ang kaibigan nila at mas lalo pang nakikilala, samantalang ako'y nagmukmok lamang sa loob ng bahay at mistulang presong di makalabas-labas. Upang di tuluyang lamunin ng pagkabato, idinaan ko na lamang sa panonood ng pelikula. Iyon ang inatupag ko sa maghapon at magbantay sa tindahan. Pagsapit ng Alas-singko, paghuhugas ng plato at pagsasaing naman ang inatupag ko. Sarap ng buhay kapag may bagay kang pinagkakaabalahan kaysa sa nakaupo lamang at hinihintay pumatak ang Pasko. Kinagabihan at gawa na maaga pa magigising bukas para sa aming Community service, matapos manood ng telebisyon ay kaagad akong natulog.


May 18, 2015
Monday
Year III-138

6i-z. Huling araw na ng pagkikita namin para sa NSTP Summer Class. Alas-kwatro pa lamang at kahit mugto pa ang mga mata sa antok ay bumangon na ko at nag-almusal. Magkahalong sabik at lungkot ang namamayani sa dibdib ng mga oras na iyon. Nalulungkot ako sapagkat ito na ang huling sandali na magkakasama kami't mami-miss ko sila ng husto lalong-lalo na si Sir Esguerra. Hiling ko lang na dumating pa ang pagkakataon na maging kaklase ko sila sa pasukan. Kasabay ko ang Ate Leslie sa pag-alis at bago pa man tumungo sa San Bartolome High School, lugar kung saan isasagawa ang Community service ay tumungo muna ako sa Novaliches Bayan upang bumili ng walis. Nabatid kong talamak ang nakawan sa lugar na iyon kaya habang ako'y naroroon ay todo ang aking pag-iingat, sa takot na madukutan at mawalan ng pamasahe. 

6j-a. Malapit ng mag-ikawalo ng makaratina sa San Bartolome High School. May gaganap palang Brigada Eskwela at gawa na wala pa ang mga kamag-aral ko maging si Sir Esguerra ng datnan ko, lumabas muna ako upang sila'y abangan. Lumipas ang ilang sandali'y nakita ko na ang iilang kamag-aral subalit di pa dumarating sila Anne Rose, inabangan ko muna sila. Naiinip na ko ng mga oras na iyon kaya di ko na sila nahintay pa at sumama sa ibang kamag-aral. Dumating naman sila bago magsimula ang Brigada Eskwela. Nang magsimula ang Brigada Eskwela'y tulong-tulong namin nilinisan ang buong silid. Sa tana ng buhay ko'y unang beses pa lamang sumabak sa Brigada Eskwela kaya muntikan ng di kayanin ng katawan ang maraming gawain at di pala iyon biro. Magbubuhat ng bangko, magwawalis, magpupunas at maglalapat ng Floorwax sa sahig, iyon ang inatupag namin ng mga oras na iyon. Dahil sa pagkakaisa'y mabilis din naman namin natapos ang Brigada Eskwela.

6j-b. Nagsiuwian na ang ilan kong kamag-aral kabilang sina Anne Rose, masyado pang maaga kaya nanatili muna ako doon at kanya-kanya kaming kuha ng Litrato. Huling araw na ng pagkikita namin kay Sir Esguerra kaya sinulit na ang mga natitirang sandali na kasama siya at kami'y nagpulong-pulong. Magkakaroon pala kami ng Bonding bukas, ibig ko sanang sumama sa gayak subalit batid ng isip na di papayagan, ipinagsawalang bahala na lamang ang pinag-usapan. Matapos ang pulong, saka lamang nagpasyang umuwi at tuluyan ng naghari ang lungkot sa dibdib. Mukhang di ako makakauwi sapagkat kulang na ang natirang pera para sa pamasahe. Mabuti na lamang at pinautang ako ni Bonna, nag-uumapaw ang pasasalamat ko sa kanya't napakadalisay ng kanyang kalooban. Sana'y maging kaklase ko pa siya o di kaya kaibigan. Sina Mika at Robenna ang nakasabay ko sa pag-uwi.

6j-c. Ang kaninang lumbay sa dibdib ay napalitan ng saya dahil nakakalibang silang kasama at nahahawa na ko sa kakulitan nilang dalawa. Tanghaling tapat na ng makarating ako sa bahay. Sa pagod at antok, diretso tulog ako matapos mananghalian. Hindi naman makatulog pagkat biglang nagkaroon ng Brownout at sumidhi pa ang nararanasang init. Mainit na nga, malamok pa at daming kalbaryong kinakaharap sa Mundo. Sa init ay di ko na itinuloy pa ang pagtulog. Maya-maya, naisipan ko muling tumungo sa bahay nina Angelica. Nanatili ako sa kanila hanggang sa kumagat ang dilim. Saktong may kuryente na pagkauwi ko. Sumapit na ang gabi subalit dama pa rin ang maalinsangang panahon, hanggang kailan kaya namin ito mararanasan? Nawa'y kayanin pang tiisin ng dibdib kung anuman ang sitwasyon na kinakaharap at huwag susuko.


May 19, 2015
Tuesday

Year III-139

6j-d. Matayog na ang sikat ng araw ng ako'y dumilat subalit tinatamad pang bumangon. Naghari muli ang kagalakan sa dibdib sapagkat bakasyon grande na ulit at magkakaroon na ko ng oras upang gawin ang ibig. Nagpapasalamat ako dahil di ako hinayaan ng maykapal na magpanaig sa katamaran kaya nakumpleto ang sesyon ng aming NSTP, nawa'y hindi siya magsawang patnubayan ako sa lahat ng landas na tatahakin ko pa. Walang kakulay-kulay at buhay ang umaga ko, kaya naisipan muling magpatugtog. Ang dibdib na nagtataglay ng sigla't tuwa, nabahiran ng pagkaimbyerna ng magreklamo sila ina. Hindi ko mabatid sa kanila kung bakit rinding-rindi samantalang di naman gasinong malakas ang tugtog ko. Naman at minsan na nga lang magsaya ang tao, di pa nila mapagbigyan. Ibig ko pa sanang makinig ng awitin, kaso hindi ko na ibig na lumawig ang pakikipagtalo sa kanila, pinatay ko na lamang. Nababalutan ng inis ang kalooban ng mga panahong iyon at nais kong ibulalas kaso wala akong lakas loob, idinaan na lamang sa paglalaro ng Cellphone.

6j-e. Matapos ang gawaing bahay, pagbabantay sa tindahan ang inatupag ko. Napalitan naman ng galak ang kaninang nagngangalit na damdamin sapagkat malakas ang bentahan. Pagbabasa ng Bibliya ang siya kong inatupag habang nagtitinda. Pagsapit ng tanghali, malapugong init muli ang aming naranasan. Kay buti ng pakiramdam ko pero tila nilalagnat dahil sa tindi ng init at ibig kong ipasok ang sarili sa Pridyider. Kanya-kanya na lamang kami diskarte upang maibsan ang init at nawa'y bumagsak na ang milagrong tubig. Ng bahagyang lumilim at gawa na batong bato, ibig ko sanang igala ang yapak, kaso pagbuda ni ina ang maaari kong kahantungan kaya di ko na itinuloy pa ang naisin at nanatili sa bahay.

6j-f. Pagsapit ng gabi, nakakayanig na balita ang aming nabatid. Sinabi ng Philvolcs na hinog na raw sa paggalaw ang West Valley Fault Line at anumang araw mula ngayon ay maari ng maranasan ang malakas na Lindol. Kung sakaling lumindol ng malakas ay maaring mapuruhan ang Kalakhang Maynila maging ang karatig nitong probinsya at libo-libo raw ang masasawi. Namayani agad ang takot sa dibdib ng marinig ko ang balitang iyon at marahil ay totoo ang nakasaad sa bibliya na magkakaroon muna ng matitinding sakuna bago dumating ang Panginoon at nagaganap na ngayon.

6j-g. Hangga't may oras pa at humihinga ka pa'y kailangan ng magbago at pagsisihan ang kasalanan upang makapunta sa kaharian ng Diyos. Hindi pa ko makatulog nun, kung kaya paglalaro ng Cellphone ang inatupag ko. Habang tutok ang mata sa Cellphone ay wala akong kamalay-malay na nakalabas na ang kapatid ko't parang nakawalang hayop kung tumakbo. Bumalik naman siya subalit nakalabas naman ang alaga naming mga aso. Pahirapan tuloy sa amin ang papasukin sila at muntikan ng mapunit ang lalamunan sa kakatawag. Napapasok naman namin ang mga ito kinalaunan. Bago matulog, paghuhugas muna ng plato ang inatupag ko. Mga dakong Alas-onse na ng maisipang matulog.


May 20, 2015
Wednesday

Year III-140

6j-h. Aakalaing sumapit na ang Alas-otso pagkat tirik na ng husto ang haring araw subalit Alas-sais pa lamang pala. Matapos humigop ng mainit na kape'y gawaing bahay agad ang siya kong inatupag. Mataas ang Enerhiya ko ngayong araw kaya mukhang makakayang gawin kahit gaano pa iyan kabigat subalit tila tinakasan ako ng lakas matapos ang gawaing bahay. Maya-maya pa, naupo na ko sa may tindahan at nagbantay. Hindi sapat sa akin ang nakaupo lamang, naisipan ko muling magbasa-basa. Ako ang nagbantay sa tindahan hanggang sa magtahaling tapat. Ang init na naranasan namin kahapon, tila lalo pang umigting at pakiwaring ako'y nasa hurno. Muntikan ko ng ikatupok ang matinding init at nakakabigay pa ng sakit sa ulo. Di naman napigil ng matinding init ang aking pagsi-siyesta.

6j-i. Pagkagising at sa kadahilanang may kahabaan na ang buhok ko, ipinihit ko ang yapak sa barber shop. Kay Mang Usman ako nagpagupit at kahit kailan ay walang kakupas-kupas ang kahusayan niya sa paggugupit at kahit anong istilo'y kayang-kaya. Matapos magpagupit, nagtungo pa sa Computer shop subalit wala raw internet. Ilang shop na ang napuntahan at napagtanungan ko subalit pareho ang sinasabi nila. Ano kayang dahilan at walang internet sa Taas? Masyado pang maaga at tumungo muli ako sa bahay nila Angelica. Wala sila ng datnan ko't ipinabatid na nagtungo sa Pasay at sa Sabado pa raw ang uwi.

6j-j. Sa bahay naman nila Cathy ako nagtungo. Sina Jaka at Janna lamang ang nadatnan ko subalit di ako pumasok pagkat ayaw akong papasukin ni Jaka. Hindi ko mawari kung bakit ganoon na lamang makitungo sa akin si Jaka at parang sumama ang ugali niya. Medyo napagod na rin kaya umuwi na lamang ako. Pagdating sa bahay ay diretso pagsasaing at paghuhugas ng plato ang inatupag ko. Bahagya ngang naparam ang init na nararanasan pagkagat ng dilim subalit pumalit naman ang ingay, di tuloy ako makapag-concentrate sa aking gawain. Mahirap magreklamo sa sitwasyong iyong kinakaharap pero di magawang iwasan, kundi mainit, maingay naman at daming bagay ang maaari mong kainisan.


May 21, 2015
Thursday

Year III-141

6j-k. Sa sarap ng tulog ko, gising na ang lahat ng kasamahan sa bahay maliban sa akin na nakahilata pa rin sa kama at dinig na ang pag-uusap nila. Sumapit na pala ang ikapito ng umaga, ngayong araw ko din balak na mag-enroll kaya kaagad ng bumangon. Parang kailan lamang ng ako'y pumasok bilang First year college, tapos ngayon ay tutungtong na sa Second year at di akalain na lahat ngchallenge sa pag-aaral nitong nakaraang taong pampaaralan ay nalampasan ko. Marahil ay di ko naman magagawa ang lahat ng iyon kung wala ang Panginoon at siya ang bukod tanging nagpapalakas ng loob ko. Pagdating ng yapak sa eskwela'y manaka-naka lamang ang dagsa ng mga Estudyante. Madalang lamang ang nag-e-enroll kung kaya di mahaba ang pila at kaagad akong natapos sa Enrollment.

6j-l. Medyo naiilang lamang ng bahagya sapagkat ako lamang ang bukod tanging walang kasama, karamihan ay akay-akay pa ng magulang na akala'y di kolehiyo ang anak at di pa kaya ang sarili. Isang taon na lamang bago maghalalan at gawa na nasa hustong edad na ko upang bumoto, tumungo muna sa Quezon City hall upang magparehistro. Hindi naging madali sa akin ang tumungo sa lugar na iyon dahil may kalawakan at daming pasikot-sikot bago mo marating ang Comelec. Sa lawak at tayog ng mga gusali'y wala akong ibang ginawa kundi titigan ang mga 'yon habang naglalakad. Pagdating sa may Comelec, nandilat ng husto ang mga mata ko pagkat marami-rami na rin ang nagpaparehistro. Dahil baguhan lamang at medyo nangangangapa pa sa paraan ng pagpaparehistro, nagtanong-tanong pa ako. Mabuti na lamang, dala ko ang ID kaya di na nagkaproblema pa't kaagad ibinigay sa akin ang Form pagka-verify.

6j-m. Matapos punan ang Form ay ipinasa ko na sa Interviewer, pinapunta niya ko kung saan ang kuhaan ng litrato atbiometric. Dami mo palang pagdadaanan bago ka Officially registered, mabuti na lamang at madadali ang mga hakbang kaya madali akong nakakasunod. Maya-maya, sa wakas at ganap na kong botante at nasa palad na ang kapangyarihang mapaupo sa pwesto kung sinuman ang karapatdapat na kandidato. Nang makapagrehistro'y kaagad ng umuwi. Kanina pa kumakalam ang sikmura kaya diretso kain ako pagtungtong ng yapak sa tahanan.

6j-n. Kinagabihan at gawa na di pa dinadalaw ng antok, panonood ng Telebisyon ang inatupag ko. Hindi ko mapigilang ilabas ang ngipin sa dami ng tawa habang nanonood ng pelikulang pinamagatang Strict ang parents ko. Natutuwa ako sa dalawang matanda sapagkat kahit di nila kadugo at inampon lamang ay itinuring pa rin nila itong tunay na anak at ibinuhos ng husto ang pagmamahal sa kanya, medyo pinaghihigpitan lamang nila ito kapag umiibig at overprotective pa kaya sakal na sakal ang anak at nagtanan. Sa sobrang humaling ko sa panonood ng pelikula, malapit ng gumitna ang gabi ng magpasyang matulog. 


May 22, 2015
Friday
Year III-142

6j-o. Eksakto Isang linggo na lamang bago ang aking kaarawan pero ngayon pa lamang ay nasasabik na ko. Kay tulin talaga ng panahon at madadagdagan nanaman pala ang edad ko. Magkaparehong oras pa rin kung kailan ako nagising at bumangon. Maaga pa lamang at di pa tirik ng husto ang haring araw ay dama na namin ang napakaalinsangang panahon. Kailan kaya magwawakas ang pagdurusa namin mula sa init? Maya-maya'y sinimulan ko na ang gawaing bahay. Habang abala ang buong katawan sa paglilinis sa buong bahay ay may kung anong sigaw akong naulinig mula sa labas. Pansamantala akong tumigil at sumilip. Kawawa naman si Aling Pammy at sa nakikita ko sa kanya'y mukhang may pinagdaraanang mabigat na problema. Tila pakiramdam nito'y galit sa kanya ang mundo at walang nagmamalasakit sa kanya kaya ganoon na lamang ito nagsisigaw-sigaw habang tumatangis. Pakiwaring nasisiraan na ito ng bait at sa awa'y ibig ko sana siyang tulungan subalit wala akong kakayahan. Umaasa na lamang ako sa pagkakataon na kami'y magkakausap.

6j-p. Hindi ko na pinatagal pa ang makiusyoso at ipinagpatuloy ang gawaing bahay. Kapag naging registered Psychologist ako, tutulungan ko ang mga taong may mabibigat na problema at mga taong pakiwaring nawawalan na ng pag-asa sa buhay. Tama lang marahil na kumuha ako ng ganoong kurso at sa pamamagitan man lang ng pagtulong ay maipakita ko na may silbi ako.  Matapos ang gawaing bahay ay pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko. Maya-maya, lumapit sa akin si Aling Pammy at inaalok niya kong bilhin ang ginawa nitong Bracelet. Sadyang napakaganda at angkop na angkop ang pagkakalagay. Naibigan ko sanang bilhin subalit wala akong pera. Yaman na nagkaharap na kami'y inaalam ko na kung ano ang pinagdaraanan nito. Naging emosyonal ito habang inilalahad ang kanyang problema't parang bubog na nabasag ang puso ko ng malaman ang sinasapit nito.

6j-q. Hindi pala biro ang nangyayari sa kanya at di ako makapaniwala na magagawa nila iyon sa kanya. Pumalit ang tuwa sa dibdib na kanina'y nalulugmok na sa lungkot ng makapagpayo sa kanya at nawa'y makatulong ang mga sinabi ko upang maibsan ang sakit na kanyang nadarama. Hindi ko sana ibig ang mag-siyesta pagkat marami pa kong nais gawin subalit nakakaramdam na ng antok, daglian akong umidlip. Pagkagising, tumungo agad ako sa Computer shop. Saktong may Internet na kaya di pahirapan sa akin ang humanap. Kumagat na ang dilim ng magpasyang mag-log-out. Nagbabadya ng bumuhos ang ulan at nararamdaman ko na ang pagpatak ng ambon kaya may pagmamadali ako sa pag-uwi. Naghari yaring tuwa sa mga dibdib dahil maiibsan na ang init na nararanasan subalit puro pagkulog at pagkidlat lamang ang naganap, kainis at umasa lamang kami sa wala. Nanatiling maalinsangan ang gabi, dahilan kung bakit di ako makatulog ng maayos.


May 23, 2015
Saturday

Year III-143

6j-r. Hindi pa tuluyang napaparam ang antok sa buong pagkatao at sarap pang humilata ng husto sa kama subalit umaga na at kailangan ng bumangon. Namimilantik sa gutom ang aking sikmura kaya diretso agahan ako. Tila sinaniban ako ng kasiglahan matapos kumain at kaagad inatupag ang gawaing bahay. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos na ako'y gumagawa ng gawaing bahay ay maari na kong maging katulong. Kay sarap sa pakiramdam ang pagpapahinga kapag may natapos kang gawain. Makalipas ang ilang saglit, ako'y nagbantay muli sa tindahan. Hindi ko lamang maiwasang maasar sa mga batang bumibili. Ang tagal-tagal na nga nilang mamili at pahirapan sayo matukoy kung ano ang ibig dahil paturo-turo lamang, tapos puro piso lamang ang matatamo sa kanila. Kaya minsan, kapag maliliit na bata ang bumibili at gusgusin pa, nakakatamad pagbentahan. Pinalawig ko na lang ang pasensiya.

6j-s. Naging malakas naman ang bentahan kinalaunan dahil puro matatanda na ang bumibili pero bahagyang tumumal pagsapit ng tanghaling tapat. Tamang pagbabasa lamang ang inatupag ko habang nagtitinda. Maya-maya'y nananghalian na kami.  Matapos mananghalian ay tumungo ako kila Auntie Caling upang isauli ang hiniram na Long-sleeve ng nakaraang debut ng Classmate ko subalit sila Tita Haydee ang nadatnan ko. Hindi sana ako magtatagal sa kanila subalit sa lamig at gara ng bahay nila, nanatili ako kahit ilang saglit. Bukod pa roon ay komportable pang tirhan dahil malamig. Lugmok na ang mga mata ko sa antok kaya diretso Siyesta pagkauwi. Matinding alinsangan ng panahon ang sumagupa sa aking pagmulat at nakakabigay ng sakit ng ulo. Hiling ko lamang na umulan na subalit mukhang malabong mangyari dahil sadyang maaliwalas ang kalangitan. Balak ko sanang maglakwatsa pero sakit ng ulo ang pumigil. 

6j-t. Naparam naman pagpatak ng gabi. Walang magawa at ako'y batong-bato kaya panonood ng pelikula ang ginugol ko. Habang nanonood ng pelikulang pinamagatang Noli me tangere ay ngayon lamang napagtanto na baluktot pala ang katuruan ng simbahan sa mga tao ng panahong iyon at mas masahol pa sa Demonyo ang pinaggagawa ng mga Pari. Bukod pa roon ay nakita ko rin kung paano inaalila at pinapahirapan ng mga Kastila ang mga Pilipino. Nasa kolehiyo na pero ngayong ko lang talaga nalaman ang buong kwento ng Noli Me tangere at ang husay ng takbo ng kwento pagkat bawat kabanata’y iba't ibang sakit ng lipunan ang iyong masusumpungan, katulad ng panghahalay sa mga kababaihan, pagkamkam sa kaban ng bayan, pang-aapi ng mga guro sa mga estudyante at marami pang iba.


May 24, 2015
Sunday
Year III-144

6j-u. Huling araw ng pananatili ni Ate sa aming bahay pagkat lilipat na ito mamaya sa Boarding house. Dati-rati, kapag magkasama kami ni Ate, tila kay sikip ng mundo ko. Paano'y sa bawat kinikilos ay parati niyang pinapakialaman, kaya madalas ay masama ang loob ko sa kanya at para akong nakawala sa hawla kapag wala siya. Pero ngayon na napipinto na ang kanyang pag-alis ay tila nalulungkot ako at nakukulangan pa. Kahit anong gawin niya sayo ay kapatid mo pa rin ito't di magbabago ang pagmamahal mo sa kanya. Pagkagising at ng siya'y masilayan ay ibig ko sanang magpaalam, kaso takot sa dibdib ang pumigil at baka siya'y mainsulto. Di ko na lamang ito kinibo. Nagkibuan lamang kami ng may sabihin ito subalit di ko magawang ilahad ang ibig sabihin sa kanya. Ang loob namin na malayong-malayo'y pinaglalapit sa pamamagitan ng pag-uusap at parang di ko pa ibig na siya'y umalis. Matapos mag-almusal, pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko.

6j-v. Ang umaga kong napakakulay, nabahiran ng pagkaasar ng may isang Kostumer ang pinakitaan ako ng magaspang na ugali. Sa kabila na siya'y swapang at ibig ng ibato ang hawak na paninda'y hindi ko na lang siya pinatulan. Makapagsalita'y akala kung sino ang magaling at malinis. Humupa naman ang yamot sa dibdib pagkaalis niya't kayanin sana ng loob kapag bumili ito muli. Kinahapunan ay halos maumay ako sa dalang pasalubong na Doughnut ng Ate at sa sarap ay di ko maawat ang sarili sa paglantak. Maya-maya'y nagsimula na itong mag-impake at sa huling sandali niya'y ibig ko na sanang magpaalam, pero pinanghinaan ako ng loob. Sana'y magbago na siya kapag balik nito ng di ko na magawa pang mabanas. Matagal-tagal na rin di nakakalayas at nababagot na kaya umalis ako. Sa bahay nina Angelica ako tumungo, tulog ito ng datnan ko subalit kaagad naman nagising at kami'y nagkwentuhan.

6j-w. Naroroon din si Rachid at kumurot ang kilig sa puso ko sapagkat sintamis ng asukal kung sila'y maglambingan at palitan pa ng matatamis na salita. Ako kaya, kailan kaya magkakaroon ng nobyo? Sana'y malapit na at ibubuhos ko ng husto ang pagmamahal sa kanya kung sakali man. Kahit gawa lamang sa pinagtagpi-tagping yero at kahoy ang kanilang barong-baro at masikip pa, ibig ko pa rin manatili dahil masaya at nakangiti pa rin sila kahit hikahos sa buhay. Sa sarap ng aming kwentuhan, inabutan na ko ng gabi. Hindi ko pa ibig ang umuwi at tumungo pa kila Tita Arlene. Kakulitan ng alaga niyang aso na si Jambo ang sumalubong sa akin. Nanatili pa ko sa kanila hanggang sa sumapit ang Alas-nuebe ng gabi.

6j-x. Pagkauwi'y nanggagalaiting sermon ang isinalubong sa akin ni ina. Wala pa lang kasama ang Kuya Al sa bahay ng panahong wala ako sapagkat sinamahan pala ni Mama ang ate patungo sa kanyang Boarding House samantalang may duty naman ang aking ama at di na nila alam ang gagawin. Gilting-guilty ako ng ipabatid iyon ni ina at laking pagsisisi na ako'y lumayas pa. Mabuti na lamang at walang nangyaring masama sa kapatid ko, dahil kung mayroon ay di ko mapapatawad ang sarili. Kung alam ko lang na mangyayari iyon, di ko na sana itinuloy pa ang balak. Nagpatuloy si ina sa pagbuda samantalang lugmok na lugmok na ang kalooban ko sa labis na pagsisisi. Batid na mali ako at napakabigat ng kasalanang nagawa sa kanila kaya bukas na bukas din ay babawi ako. Hindi tuloy makatulog dahil patuloy na binabagabag ng konsensiya.


May 25, 2015
Monday

Year III-145

6j-y. Gusto kong makabawi sa naging pagkakasala kagabi sa kanila, kaya Alas-sais pa lamang na kahit inaantok pa, pinilit ko pa rin bumangon. Nagpatuloy pa rin sa panenermon si ina sa akin na tila di ka move-on at panay ang banta sa akin na makakastigo ni ama pagdating niya mamaya. Binalewala na lamang ang sinasabi ni ina subalit di maiwasang matakot sa maaring mangyari mamaya at inihahanda ko na ang sarili. Matapos magkape'y sinimulan ko na ang paglalaba. Sinadya ko talagang damihan upang mas lalo pang maipakita na bumabawi ako. Kaagad gumuhit ang takot sa dibdib ng dumating si ama subalit di naman natuloy ang aking pinangangambahan at pinagsabihan lamang. 

6j-z. Sige ako sa kuskos at kusot kahit napapagod na. Sa dami ng nilabhan ay pagod at gutom ang naranasan ko. Nang makapagsampay at dala na kumakalam na ang sikmura, kaagad akong kumain. Matapos kumain ay nagbantay muli sa tindahan at tila matumal ngayon ang dating ng mga mamimili. Hindi gasinong mainit at makulimlim pa nga kaya di lubhang nakakabigay ng sakit sa ulo ang panahon at pwede pang manatili sa labas. Pagsapit ng hapon, ibig man ng yapak na gumala at kating-kati na subalit baka matuloy na ang kinakatakot ko at itakwil na, nanatili na lamang sa bahay at nilibang ang sarili sa pagkulwit ng Selepono.

6k-a. Maya-maya, ako'y nagsaing at naghugas ng mga plato. Nakakabato talaga kapag nanatili ka lamang sa loob ng bahay at walang ginagawa, gumagawa na lamang ako ng paraan para may pagkaabalahan. Kinagabihan, panonood naman ng telebisyon ang inatupag ko't nakakakilig ang naging simula ng Pangako sa'yo. Habang pinapanood ang teleseryeng iyon ay naalala ko ang pagkabata ko dahil napanood rin ang orihinal niyon at isa iyon sa pinakamagandang teleserye. Ibig sanang tapusin subalit biglang bumuhos ang malakas na ulan. Gawa na di na marinig ang pinapanood, nagpasyang patayin na lamang. Sinabayan pa ng nagtatalimang kidlat at malalakas na kulog kaya ako'y sindak na sindak muli. Hinintay ko munang humupa ang Thunderstorm bago matulog. Kahit paano, nakatulong ang ulan upang maibsan ang maalinsangang panahon.


May 26, 2015
Tuesday

Year III-146

6k-b. Ikatlong araw para sa linggong ito. Mga dakong ikapito na ng magising at hinintay munang dumating si ama bago bumangon. Kay bilis talaga ng panahon at di akalaing apat na araw na lamang ang nalalabi bago sumapit ang aking kaarawan. Nasasabik na ko para sa aking kaarawan at sana'y matupad kung anuman ang hiling ko. Matapos mag-almusal ay pagbabantay agad sa tindahan ang muling inatupag. Nakakawalang gana lamang dahil matumal ang bumibili pero ayos na rin kaysa mataranta habang inaasikaso ang mamimili. Lumakas naman ang bentahan kinalaunan. Maya-maya'y oras na upang mananghalian. Anong init muli ng panahon ang aming naranasan at marahil ay bubuhos muli ang malakas na ulan. Pagsapit ng hapon at matapos mag-siyesta, tumungo ako sa labas at umupa sa Computer shop. Hirap makapag-concentrate sa iyong ginagawa kapag nuknukan sa ingay ang nakapaligid sa'yo, kalalaki nilang nilalang pero dinaig pa ang babae kung makipagdaldalan at bawat salita'y nilalahukan pa ng malulutong na mura.

6k-c. Laking pagsisi ko na sa Shop pa iyon umupa't wala na lamang ginawa kundi magtiis sa nakakasulasok na amoy. Hindi na ko nagtagal pa sapagkat di na matiis pa ang ingay at baho at ako'y rinding-rindi na. Habang naglalakad ay saktong nagkita kami ni Pastora Anna. Napatigil ako saglit at kinamusta siya. Kapag si Pastora Anna ang kausap ay tungkol sa salita ng Diyos ang maririnig mula sa kanya at tipong interesadong pakinggan. Ibig ko na sanang bumalik sa pagiging Born-again subalit sinabi ng Pastora na wala silang kinikilalang relihiyon kundi ang tawag ay taga-sunod ng Diyos. Marami pa kaming napag-usapan ng Pastora Anna tungkol sa bibliya kaya nanatili pa ng matagal. Hindi mapigilang manghilakbot ang dibdib sa tuwing bibigkasin ng Pastora na malapit ng dumating ang Panginoon pagkat batid ng isip na marami akong pagkakasala at di pa napagsisisihan.

6k-d. Panginoon na ang bahalang humatol sa akin at mangyaring mapabilang ako sa itinakdang bilang na dadalhin ng Panginoon sa langit kung sakali mangyari iyon. Matapos ang pag-uusap at sa halip na diretso uwi na'y dumako pa ko sa bahay nina Angelica. Nadatnan kong may pinagkakaabalahan sila't kita ko pa rin ang sigla sa kanilang mga mukha na tila di iniinda kung anuman ang estado ng kanilang pamumuhay. Dahil masaya sa kanila at tanggap kung sino ako, balak ko pa sanang magpagabi kaso'y dumidilim na ang kalangitan at pumapatak na ang ulan. Takot muli ang umiral sa dibdib dahil sa pagkidlat at pagkulog subalit kasabay ng paghupa ng ulan ang pagkapawi ng takot sa dibdib. Dahil umulan ay di naging maalinsangan ang gabi na siyang nagbigay ginhawa sa aming pagtulog.


May 27, 2015
Wednesday

Year III-147

6k-e. Ginhawa't magandang umaga muli ang sumalubong sa aking paggising at tila walang unos na daratal. Nawa'y magtuloy-tuloy ang ganito kong pakiramdam at walang anuman o sinuman ang makapagpabago nito. Sa labis na galak, naisipan kong makinig ng awitin. Lalo pa kong ginaganahan sa gawaing bahay dahil sa tugtog at pakiwaring kakayanin, gaano man ito kabigat o kahirap. Biglang nabahiran ng inis ang pusong nagtataglay ng kaligayahan ng magreklamo sila ina dahil sa tugtog ko. Maingay kasi ang kapatid ko at umuungol ito na tila tunog ng hayop kapag di maibigan ang ilan sa mga awitin. Nang una'y nagawa ko pang makipagsagutan sa kanila pero bilang pag-unawa, labag man sa kalooban ay itinigil ko na ang pagpapatugtog.

6k-f. Nasira ang masigla at makulay kong araw dahil sa kapatid ko't labis ang pagkairita sa kanya. Ganito na lamang ba at ako parati ang umiintindi? Pag-unawa ang siyang susi upang di na lumago pa away o mabuo pero nakakapagod kapag parating iyon ang pinapairal. Pakiwari ko, sa tuwing umuunawa'y kalakip nito ang agam-agam na naiisahan at di ko na ibig pa ang maloko. Ipinagpatuloy ko pa rin ang gawaing bahay kahit nanalaytay sa kalooban ang inis. Matapos ang gawaing bahay ay nagbantay muli ako sa tindahan. Kahit matingkad na ang inis sa dibdib na tipong ibig ko ng ibunton sa mga batang bumibili ay nagawa pa ring pigilan at habaan ang pasensiya. Tila sumasama ang kalagayan ko kapag patuloy na kinikimkim at sino kaya ang mapaghihingaan ng sama ng loob?

6k-g. Batid kong walang sinuman ang mangahas na pakinggan ako kaya't gumawa na lamang ng paraan upang sa ganoon ay maglaho ang sama ng loob. Nilibang ang sarili sa panonood ng nakakatawang pelikula at kahit paano'y nabawasan ang hinanakit sa dibdib. Kahit nayayamot ay kapatid ko pa rin ito at kailangan sa taong kagaya niyang may kapansanan ang malalim na pag-unawa. Ako ang nagbantay sa tindahan hanggang sa sumapit ang tanghaling tapat. Pagsapit naman ng gabi ay bigla ko na lamang naramdaman ang pananakit ng ngipin. Sa sakit ay halos umiyak na ko at ibig ng sumigaw. Sakit ng ngipin ang nagbigay pait sa aking pagtulog.


May 28, 2015
Thursday

Year III-148

6k-h. Sumapit na ang madaling araw subalit di pa rin tuluyang makatulog gawa na patuloy na iniinda ang sakit ng ngipin. Hindi ko mabatid ang dahilan kung bakit muli itong sumasakit. Hindi ko na makaya pa ang sakit at para matuldukan na'y nagpasya ng uminom ng Mefenamic Acid. Saka lamang ako nakatulog ng maigi ng bahagyang mabawasan ang sakit. Sumikat na ang haring araw sa labas ng magising ako. Ramdam pa rin ang pananakit ng ngipin subalit babahagya na lamang at di na singtindi ng kagabi. Pagkatingin sa salamin ay laking gulat na lamang dahil unti-unti ng nilalamon ng pagkabulok ang ngipin ko at nangingitim pa. Nangangamba ako na baka tuluyan ng lamunin ng pagkabulok ang ngipin at madamay pa ang mga katabi nito kung di maagapan.

6k-i. Sayang at ngipin ko pa naman ang nagdadala ng confident sa sarili kapag humaharap sa ibang tao at huwag sanang masira ito. Balak ko sanang ipabunot na o ipapasta, kaso takot ang nanguna sa dibdib. Patuloy kong nararanasan ang pagsakit ng ngipin, dahilan kung bakit di makakain ng maayos. Kahit masarap ang ulam kung may nararamdaman kang sakit ay balewala rin at di mo ma-enjoy ang lumamon. Upang makalimutan ang kirot ng ngipin ay idinaan na lamang sa panonood ng telebisyon at ako'y aliw na aliw. Tuluyan ng naibsan ang pananakit ng ngipin pagsapit ng hapon na akin namang ipinagpapasalamat. Sana'y huwag ng umatake pa muli ang sakit magpakailanman at isa iyon sa aking hiling sa darating na kaarawan. Maya-maya'y naisipan muling tumungo kina Angelica. Saktong naroroon ito at masaya muli ang kwentuhan namin.

6k-j. Ilang sandali pa'y naglaro kami ni Angelica ng baraha kasama ang kapatid nito. Di ako bihasa kung paano laruin ang baraha kaya nangangapa-ngapa sa paglaro at madalas ang pagtatanong subalit natutuhan ko rin naman kaagad. Sa labis na humaling sa paglalaro ng baraha'y di napansing gumagabi na. Ibig pa man ang manatili at ipagpatuloy ang paglalaro ng baraha subalit kailangan ng magpaalam at baka mapagalitan. Diretso panood agad ng telebisyon ang inatupag ko pagdating ng bahay. Kaarawan ko na bukas at kahit di uso sa pamilya namin ang mangumbida ng bisita at magsagawa ng handaan ay maging makabuluhan at masaya pa rin sana ang kaarawan ko.


May 29, 2015
Friday

Year III-149

6k-k. Maligaya ako dahil ikalabing-siyam na ng aking kaarawan at ikalabing-siyam na taon na rin ang nanatili sa mundong ibabaw. Parang kailan lamang ng tumungtong ako sa edad na 18 tapos ngayon ay 19 na't di namamalayang tumatanda na pala ako. Masaya ako dahil nalagpasan ang lahat ng mga pagsubok bago ako sa tumungtong sa ganitong edad at sana'y kayanin pa ng dibdib ang mga pagsubok pang darating sa loob ng isang taon. Di naman ako makakaabot sa ganitong edad kundi dahil sa tulong ng panginoon at sadyang kay buti niya kahit batid sa sarili na singdami na ng buhangin ang nagawa kong kasalanan at nag-uumapaw ang pasasalamat sa kanya. Maliwa-liwanag na sa labas ng ako'y magising at tuloy pa rin ang gawaing bahay sa kabila na ginugunita ang araw ng kapanganakan. Naghari ang kagalakan sa dibdib pagkat sa aking pagbangon ay bungad agad ay bati ng magulang ko. Kahit pakiwaring wala silang balak na magluto ng panghanda dahil sa kakapusan ng pera'y napahalagahan naman nila ang kaarawan ko't appreciated ko 'yun.

6k-l. Matapos ang gawaing bahay ay tumungo na ko sa tindahan at nagbantay. Hiling ko lamang sa aking kaarawan na lumago pa ang aming negosyo, bukod pa roon ay malampasan kung anuman ang pinagdaraanan ko sa ngayon at patnubayan nawa ng Diyos na tahakin ang tamang landas. Ibig ko sanang magpatugtog upang lalo pang sumigla ang kaarawan ko subalit idinaan na lamang sa pagsa-soundtrip. Ayaw ko kasi masira ang araw dahil sa magrereklamo. Pagsapit ng tanghaling tapat ay laking tuwa ko na nga lang ng di inasahang bibili ng panghanda si Mama. Tanging Palabok at Piniritong manok lamang ang naging handa ko't iyon ay pinagsalu-saluhan naming magpapamilya. Kahit walang kinumbidang bisita at kami-kami lamang ay nanatiling maligaya pa rin ang kaarawan ko't pakiwaring kumpleto ito, mas masaya pa sana kung naririto ang Ate.

6k-m. Sa dami ng kinain dahil sa sarap ay labis akong nabusog at sobrang pasasalamat ko sa lahat ng mga bumati sa akin, personal man o sa Social account dahil sila ang nagpaligaya sa kaarawan ko. Maya-maya pa'y nag-siyesta na ko. Pagkagising at gawa na nababagot, naisipan kong lumabas at magkumpyuter. Sa labis na humaling sa pagkukumpyuter ay madilim-dilim na ng nakarating sa bahay. Kahit simple lamang ang pagdiriwang ng aking kaarawan ay isa pa rin ang araw na ito sa di ko malilimutan dahil marami ang di nakalimot upang batiin ako. Kahit walang handa o party, marami lang ang bumati sa akin ay sapat na iyon upang maging maligaya ang kaarawan. Hindi pa ko makatulog kaya nilibang muna ang sarili sa paglalaro ng Cellphone. Malalim na rin ang gabi ng magpasyang humilata sa kama.


May 30, 2015
Saturday

Year III-150

6k-n. Naidaos din ang aking kaarawan at ngayong araw naman gunugunita ang ika-dalawang-pu't limang anibersaryo ng aking magulang na mag-asawa. Nagagalak ako sapagkat napanatili nila ang maayos na pagsasama bilang mag-asawa at kahit may oras na sila'y di nagkakaunawaan at nagkakaroon pa ng alitan ay di pa rin ito ang naging mitsa ng kanilang paghihiwalay. Sa nakikita ko habang nabubuhay ay may mag-asawang naghihiwalay dahil lamang sa problemang di kayang kaharaping magkasama at madalas ay ganoon nga ang kinahihinatnan. Kahit minsa'y napapagalitan ay mapalad pa rin ako na naging magulang sila dahil tumagal ng dalawang-pu't limang taon ang pagsasama nila. Masarap muli ang tulog kaya mga dakong ikawalo na ko nagising. Maaliwalas na panahon ang siyang nagbigay sigla sa umaga ko. Matapos mag-almusal ay diretso bantay ako sa tindahan.

6k-o. Habang nagtitinda ang biglang pagsama ng pakiramdam ko't sunod-sunod ang aking pagbahing. Mukhang magkakasakit nanaman ako na huwag naman sanang mangyari sapagkat di ko na nais pang madagdagan ang gastusin nila ina at maging pabigat sa pamilya. Sa sungit ay ibig ko ng itigil ang pagtitinda subalit parehas may ginagawa ang magulang ko't tanging ako lamang ang maasahan. Patuloy pa rin akong sinisipon kahit tanghaling tapat na. Idagdag pa ang maalinsangang panahon kaya lalo pang nararanasan ang pagsama ng pakiramdam. Pagsapit ng hapon ay bahagyang kumulimlim at nagbabadya ng bumuhos ang ulan subalit puro pagkulog lamang ang naganap.

6k-p. Dahil may phobia sa kulog at kidlat ay di maiwasang makaramdam ng takot at parang batang tumatalukbong. Saka lamang nakahinga ng maluwag at nakapag-siyesta ng humupa ang pagkulog. Pagkamulat ay laking gulat ko na lamang ng may nagbigay ng bag at kung pagmamasdan ay di basta-basta ang presyo at mukhang matibay pa. Palaisipan sa akin kung sino ang nagbigay niyon, lalo na't di ko ito kilala at sa halip na tuwa'y pangamba ang bumabalot sa dibdib dahil di ko malaman ang tunay na dahilan at baka may hinihinging kapalit. Nagpapasalamat pa rin kung sinuman siya dahil may bago na kong bag na gagamitin kapag pumasok. Saktong nagluto si ina ng Spaghetti pagkagising ko at iyon ang meryenda namin. Habang sarap ang bibig sa paglamon ng Spahetti'y kita ko kung gaano kaabala si ina sa pagre-repack ng Spaghetti sa Styrofoam, ipapamudmod pala nito sa kapit-bahay. 

6k-q. Yamang ipapamigay niya lamang ay nakiusap ako kung pwedeng bahagian ko rin sila Angelica at nakumbinsi ko naman ito kaagad. Matapos kumain at bitbit ang Spaghetti na nakarepake'y tumungo na ako kina Angelica subalit ang ama at dalawa lamang nitong magkapatid ang nadatnan ko. Nang maibigay ay kilaAte Ging naman ako tumungo at ipinamudmod ang Spaghetti. Kita ko sa mukha nila ang tuwa. Nang maibigay lahat ng Spaghetti'y lumakad na ko pauwi. Habang nagtitinda at ng tumawag ang ate ay doon ko lamang nalaman na siya pala ang nagpadala ng Bag na iyon at di ako makapaniwala. Kahit may panahon na nag-aaway kami, naisipan pa niyang bilhan ako ng bag kahit di naman hinihingi.

6k-r. Pangregalo niya pala ang bag na iyon at abot langit ang pasalamat ko sa kanya. Kinagabihan, nahabag ako sa aking napanood ng may isang inang mayroong kanser at mag-isa nitong kinakaharap. Siya na nga ang maysakit ay niloko pa ito ng asawa't napakabigat ng kanyang kalagayan. Sa kabila na kay bigat ng kanyang pinagdaraanan, di ito sumuko't nilabanan ang sakit hanggang sa makaligtas ito. Sadyang kay ganda ng naging kwento sa MMK at nakakapagbigay ito ng inspirasyon para sa lahat ng mga taong dumaranas ng Kanser at nawawalan na ng pag-asa sa buhay. Ibig pa sanang manood subalit biglang bumuhos ang malakas na ulan. Ang maalinsangang panahon ay bahagyang naparam dahil sa ulan at tumagal ito ng halos isang oras. Ng humupa ang Thunderstorm ay saka lamang ako natulog.


May 31, 2015
Sunday

Year III-151

6k-s. Huling araw para sa buwan ng Mayo at huling araw na rin ng mahabang bakasyon ng mga estudyante. Pumatak na ang ikawalo ng umaga ng ako'y magising at bumangon. Tinamaan muli ng pagkabato kaya kahit wala na halos alikabok ay nagwalis pa rin. Matapos ay pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko. Habang abala ang mata sa pagbabantay ang biglang pagdating ng Ate galing Boarding House at may dala pang Cake. Nag-uumapaw ang tuwa sa dibdib ng sabihing pa-birthday niya raw iyon sa akin sabay pinangaralan. Sa hugis at sarap ng cake ay tuksong-tukso ng kainin subalit bago kainin ay kinuhaan muna namin ng litrato. Ilang saglit pa, pinagsaluhan na namin angCake at halos mabundat sa dami ng kinain. Sa kabusugan ay tila di na ko makakapagpananghalian pa mamaya. Ipinagpatuloy ko ang pagtitinda matapos kumain.

6k-t. Pagsapit ng tanghali'y kakaibang init muli ang aming naranasan at marahil ay bubuhos muli ang malakas na ulan. Sa inip ay balak sanang lumabas pero makasunog balat ang init sa labas. Bahagya naman kumulimlim pagsapit ng hapon at doon lamang nagkaroon ng pagkakataon upang maglakwatsa. Sa bahay muli ng kaibigang si Angelica naisipang tumungo't saktong naroroon na sila ng datnan ko. Bukod kay Angelica ay nandoon din ang kasintahan nitong si Rachid at panay ang lampungan sa isa't isa, nanahimik na lamang at pikit-matang pinagmasdan kung gaano katamis ang paglalambingan nila.

6k-u. Bait din ng nanay ni Angelica dahil kahit kinse anyos lamang ay pinapayagan ng makipagrelasyon at maluwag na tinatanggap sa kanyang mga anak. Kahit may laya ang Angelica sa pakikipagrelasyon ay hinay-hinay lamang at baka mapaaga ang pagiging nanay. Isang oras din ako nanatili sa kanila't sumunod ay kina Ate Ging naman tumungo. Laking gulat ko dahil nakauwi na pala si Cathy. Kalahating buwan din kaming di nagkikita kaya kamustahan kami subalit laking taka ko lamang pagkat ang titipid ng sagot nito. Kaya pala di makapagsalita pagkat masakit raw ang lalamunan nito, di ko na lamang ito gaanong kinausap.

6k-v. Maya-maya'y lumabas kami ni Cathy, magpapaayos pa ito ng buhok kaya saglit lang ang pagsasama namin. Di ko pa ibig ang umuwi at naisipang bumisita sa kaanak. Habang ako'y patungo, saktong nakita ko muli si Angelica at Rachid at kahit sa labas na'y panay pa rin ang lambingan. May pupuntahan din pala ang dalawa kaya sumabay ako. Sa di inaasahan ay biglang nanglibre ang Angelica at tamang-tama pagkat kanina pa kumakalam ang sikmura, di na ko nakahindi pa. Wala naman marahil sa lugar kung naroroon ako habang ninanamnam nila ang sandaling magkasama't pakiwaring abala ako, nagpasya ng lisanin sila. Sa bahay ng Tita Arlene ako tumungo subalit walang tao ng datnan ko, naghintay muna ako. Tamang tsikahan lamang kay Ate Rose habang naghihintay at maya-maya'y dumating na si Uncle Boy.

6k-w. Ipinabatid niya na nasa trabaho ang tita at mamayang gabi pa ang uwi. Si Tita Arlene talaga ang pinunta ko kaya di na ko nagtagal pa. Habang papauwi'y nagkita kami ni Aldrian. May sinabi pa ito sa akin kaya tumigil muna ako. Ang kaninang seryosong pag-uusap ay biglang napadako sa biruan. Naroroon rin si Toning at tagisan kaming tatlo sa pagsasalita ng English. Aakalaing sumasali sa patimpalak ng mga Beauty Queen habang nagsasalita ng English. Di ako bihasa kaya halos duguin sa pagsasalita. Panis lamang ako kay Aldrian dahil nakakapag-ingles na ito ng tuwid at dami din akong natutuhan mula sa kanya. Napapanganga na lamang ako sa tuwing tinatanong niya ko in English. Madilim-dilim na ng makarating sa bahay at saktong nadatnang nagbibihis na ang Ate, ngayong gabi na pala ito aalis. Hindi pa ko dinadalaw ng antok kaya naisipan munang libangin ang sarili sa panonood ng telebisyon. Dakong hating-gabi na ng magpasyahang matulog.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento