April
01, 2015
Wednesday
Year III-091
Wednesday
Year III-091
6c-d. Miyerkules Santo, sa sabik, hindi pa
man tumitirik ang haring araw ay gumising na ko't bumangon. Gawa na may
iniindang karamdaman ang Tito Lito at may pasok pa si Tita
Cleo at ayaw sumama ng dalawa, kaming tatlo lamang ni Tita
Susan ang gumayak. Sa dami ng dapat dalhin, tila napaaga ang
pinetensya ko't dinaig pa ang nagbubuhat ng Krus sa bigat, bahagya akong
nakaramdam ng pananakit ng likod. Malapit ng mag-ikawalo ng marating namin
ang Terminal at dagsa na ang maraming biyahero kahit maaga pa
lamang. Damang-dama na talaga ang Pick season ngayong Holy
week at hirap makipagsabayan. Sa panahon ngayon, kailangan magbaon ng
mahabang pasensiya habang nasa pila ka. Masuwerteng maikli lamang ang pila
sa bus na aming sasakyan at kaagad naman nakasakay.
6c-e. Naging napakabilis naman ng biyahe
ng bus subalit pagdating malapit sa may SLEX toll-gate,
bahagyang bumagal hanggang sa di na makausad. Sa hinaba-haba ng biyahe, dakong
Alas-onse na ng makarating sa bayan ng San Juan, Batangas. Bago
magtungo sa bukid at dala na kanina pa namamayani ang gutom sa kanya-kanyang
sikmura, tumigil muna kami sa may Lomihan at nagsalo-salo. Sa sarap at
kakaibang linamna'y hindi mapigilan ang bibig sa paglantak ng Lomi. Natigilan
lang kung kailan busog na at iba talaga ang sarap ng Lomi kapag nasa Batangas ka.
Sumapit na ang tanghaling tapat kung kaya anong tindi ng init ang aming
naranasan habang patungo sa sakayan. Pagkatungo sa bukid, iba't ibang kaanak
agad na bago lamang sa aming paningin ang sumalubong at sing-aliwalas ng
panahon ang pagtanggap nila.
6c-f. Dala na ako'y manlupaypay na dahil sa
pagod ay pansamantalang nag-siyesta. Pagkagising ay halos maligo na ko
sa sariling pawis at dama talaga ang maalinsangang panahon, naligo muna ako.
Matapos maligo, nagtungo na ako sa labas at nagpahangin. Tanging sa probinsya
mo lamang malalanghap ang preskong hangin at ginhawa ang iyong madarama. Maya-maya pa,
dumako ako sa bagong gawang bahay ng Tita Mildred. May kalawakan
ito at samu't saring mga bata ang nadatnan kong masayang naglalaro. Nahanap ko
ang tuwa sa kanila lalong-lalo na ang dalawang bata na sila Lloydie at Sky na
kung mamasdan ay may dugong dayuhan at dinaig pa ang anay sa sobrang kaputian.
6c-g. Kinausap ko sila't halos di makausap ng matino
pagkat English ang salita nila. Mahusay ngang magsalita
ng English, di ko naman lubusang maunawaan pagkat masyadong Slang at
sumasakit ang ulo ko sa kakaintindi. Bukod sa mestisuhi'y napakabibo nila't
ang cute pa.
Pumasok na nga ang panahon ng tag-init subalit kasabay naman niyon ang
paparating na unos at nagbabantang manalasa sa lugar kung saan naroroon ang
karamihan sa mga bakasyonista. Climate change na talaga't
kahit di pa panahon ng tag-ula'y may bagyo na agad. Kinagabihan at gawa na di
pa dinadalaw ng antok, naisipan kong magbasa ng mga Jokes. Mistulan
akong tinakasan ng bait pagkat mag-isang nahalakhak at muntikan ng sumakit ang
tiyan. Ng makaramdam ng antok, saka pa lamang nagpasyang matulog. Hirap naman
makatulog pagkat malamok at siksikan pa kami sa iisang higaan.
April 02, 2015
Thursday
(Maundy Thursday)
Year III-092
6c-h. Huwebes Santo at araw ng pag-alaala
sa huling hapunan ni Jesus kasama ang kanyang mga alagad.
Madaling-araw pa lamang ng magising ako at sa paggising ay tinig ng matanda
agad ang nadinig ko. Nagdadasal pala ang Lola Sabe at marahil
ay panata niya iyon tuwing sasapit ang Semana Santa. Medyo inaantok pa kung
kaya umidlip muna pansamantala at sumikat na ang haring araw ng ako'y dumilat.
Matapos mag-agahan, kaagad akong naglaba. Kakaunti lamang ang labahin kung kaya
kaagad din natapos at nakapagsampay. Mabuti na lamang at maaliwalas ang panahon
sa kabila na may paparating na unos kung kaya makakapagtuyo agad ng
sinampay. Bisperas din ngayon ng aming reunion kung kaya
maaga pa lamang ay tulong-tulong na sila sa pagtatayo ng tolda't naging
puspusan sa paghahanda. Habang lumilipas ang mga sandali ang unti-unting
pagdating ng mga kaanak at di ko inakalang na ganon pala sila karami.
6c-i. Akala ko, kami-kami lamang ang bukod
tanging magkakadugo't wala ng iba pa subalit marami pa pala akong di kilala’t
ang ilan sa kanila, tila pamilyar sa akin. Ibig ko sanang katagpuin sila't
kilalanin subalit anong hiya muli ang siyang umiral lalo na't kay didisente ng
kanilang kasuotan at ang babango pa samantalang di pa ko nakakapagbihis at
naliligo. Maya-maya pa, sapilitan na nilang hinatak ang baboy patungo sa
katayan maging ang baka. Habang pinapanood ang aktwal na pagkatay sa mga hayop
ay di ko mapigilang maawa kahit di kauri at sirit ng husto ang mga dugo.
6c-j. Semana Santa ngayon at ang araw na
ito na dapat sana ilaan upang magnilay-nilay at mag-ayuno subalit mukhang
malilimutan dahil sa samu't saring masasarap na putahe ang nakahain sa mesa at
ang lahat ng mga ito'y puro nilahukan ng karne. Kanina pa gutom kung kaya di ko
napigilan ang sarili na lumantak ng karne't tila limot ng isipan na bawal iyon
sa Semana Santa. Iba't ibang putahe ang nakain ko at sa dami, labis akong
nabusog. Habang tumatagal ang unti-unting paghahari ng ingay sa kapiligiran at
dumarami na din ang mga mag-iinom at bisita. Kami namang mga magpipinsan,
walang ibang inatupag kundi kumulwit at magpakasasa sa kanya-kanyang Gadget.
6c-k. Ilang sandali pa, naisipan naming
maglakwatsa't maraming magagandang tanawin dito sa probinsya ang aming nakita.
Pagkabalik, saktong nakarating na si Tita Sabel kasama
sila Harvey at Kuya Darrel. Lalo pa kaming sumaya
magpipinsan ng madagdagan at buong maghapong nagpalitan ng kuro-kuro. Umiral
agad ang pagkadismaya sa dibdib ng ipabatid ng Tita Sabel na
di na makakapunta si Papa pagkat umatake muli ang rayuma nito. Gayunpaman,
nauunawaan ko pa rin siya. Patuloy na naghari ang kaingayan hanggang sa sumapit
ang gabi. Lugmok na ang mata sa antok at sa takot na mawalan ng mahihigahan, di
pa man malalim ang gabi’y natulog na ako.
April 03, 2015
Friday
(Good Friday)
Year III-093
6c-l. Biyernes Santo at ito ang araw upang
gunitain ang pagpapakasakit ng ating tagapagligtas na siyang tumubos ng ating
mga pagkakasala. Nataon din ang araw na ito upang idaos ang reunion naming
magkakamag-anak kung kaya di mapigilang masabik. Sa ingay ng karooke maging mga
matatandang nag-uusap, nasira ang masarap kong tulog. Ala-una pa lamang ng
tingnan ko sa orasan kung kaya ipinagpatuloy ko ang pag-idlip subalit di naman
makatulog at napawi na ang antok. Nakatulog naman ako kinalaunan at maliwanag
na sa labas ng magising. Iba't ibang putaheng nilahukan ng karne kaagad ang
nakita ko na nakahain sa mesa at iyon ang naging agahan namin. Sa sobrang
gutom, di ako naging mahinay sa paglantak.
6c-m. Matapos kumain, paglalaro ng gadget ang
siyang inatupag ko maging mga pinsan at kay sarap ng aming buhay samantalang
hindi na magkandaugaga sa pagkilos ang mga tiyuhin at tiyahin, maasikaso lamang
ang mga bisita. Habang tumatagal ay unti-unti kaming nadadagdagang
magkakamag-anak. Malapit ng magtanghali ng magsimula ang programa. Isa-isa
muna nilang ipinakilala sa amin ang kanilang kasamahan maging ang sarili at
karamihan sa kanila'y ngayon ko pa lamang nakilala. Ng makapagkilala na ang
lahat, kainan na at masaya kaming nagsalo-salo. Sa dami ng handaang nakahain sa
mesa'y nag-iinit ang mata ko at di mapigilang kumain.
6c-n. Halo-halo na nga ang nasa sikmura sa
dami ng putaheng nilantakan at tila di papaawat. Kanya-kanyang pakita ng
talento ang mga kaanak ko habang nagkakainan at nakakagalak sila na tipong di
na maiwasang humalakhak. Kahit marami sa aming mag-anak ang di nakadalo, naging
masaya at makulay pa rin ang pagdaraos ng reunion. Sa saya,
tila nakalimutan na Biyernes Santo ngayon. Nang mabusog ang sikmura ay tamang
kuhaan lang kami ng litrato kasama ang kaanak at sana pagtagpuhin pa kami ng
tadhana. Matapos akong makipagkilala at kilalanin sila, umakyat na ko't nag-siyesta.
Wala ng gasinong tao paggising ko at habang papalapit ang gabi ang unti-unting
pag-alis ng mga kamag-anak namin. Tila kay bilis ng okasyon at di ko man lang
nasulit ito. Pagsapit naman ng gabi at habang kami ay naghahapunan, bigla na
lamang nawalan ng kuryente. Nabalot sa kadiliman ang buong baryo dahil sa brownout at
di kami halos magkakitaan.
6c-o. Gawa na mainit sa loob ng bahay,
nagtungo kaming magpipinsan sa labas upang magpahangin at kanya-kanyang kulwit
muli ng gadget. Maya-maya'y kwentuhan kami. Puro pawang katatakutan
ang laman ng usapan at idagdag pa ang madilim na kapaligiran kung kaya di namin
mapigilan ang masindak at muntikan ng tumaas ang mga balahibo sa
takot. Ilang sandali makalipas, sa gitna ng dilim ay naisipan naming
gumala. Mabuti na lamang at may buwan na siyang nagbibigay liwanag sa aming
daraanan. Kung kailan bibili na sana kami ng kandila, sa di inasaha'y
nanumbalik na ang kuryente. Kasabay ng panunumbalik ng kuryente ang
panunumbalik din ng ingay sa kapaligiran dahil sa karooke't sige pa din sa
pagbirit ang mga lasengero kahit malalim na ang gabi, di tuloy ako makatulog.
Tutungo pa kami sa dagat kinabukasan kung kaya maaga akong natulog. Para sa
akin, isa ang araw na ito sa di ko makakalimutan.
April 04, 2015
Saturday
(Black Saturday)
Year III-094
6c-p. Patay na araw, maaga pa lamang at
tila ibig pang matulog ng matagal subalit kailangan ng awatin ang sarili sa
kama at may lakad pa kami ngayon. Ayaw ko naman maiwanan sa gayak kung kaya
kaagad ng bumangon at nilamnan ang sikmura upang di gutumin. Sama-sama kaming
magkakamag-anak na tumungo sa dagat matapos makapag-agahan at medyo may
kalayuan iyon magmula sa bahay. Sa layo, tila di pa nagtatapos ang pinetensya
namin at animoy Alay-lakad na ang ginawa. Pagod ang inabot namin pagdating
sa beachat pansamantalang nagpahinga. Ilang sandali pa, sumuong na
kami sa dagat. Di gasinong karami ang naliligo kung kaya di ko matagpuan ang
saya't nakakawalang ganang magliwaliw. Habang lumulusong ay kumislap agad ang
tuwa sa mukha ng makadampot ng Starfish at kakaiba ang anyo
nito. Aakalaing yari ito sa plastik sa tigas at walang buhay pagkat di
gumagalaw.
6c-q. Sa ganda’y gusto kong iuwi ang Starfish.
Kaagad din naman kaming umahon at magtatanghaling tapat na ng makarating sa
bahay. Pagkabanlaw, tumungo na agad ako sa gubat upang manguha ng Saga.
Sa dalang ay pahirapan sa akin na makita ang bunga na iyon at sapalaran na
suyurin ang kagubatan kahit masukal. Abot langit ang tuwa ng makita ang bunga
ng Saga't dali-daling
pinagpipitas kahit nababalutan ng hantik ang Sanga. Pagkabalik ay laking gulat
ko na lamang ng biglang dumugin ng mga bata. Natutuwa pala sila sa hawak
kong Saga't sabik na sabik na mapasakamay subalit di ako
makakapayag.
6c-r. Pilit kong inilalayo sa kanila
ang Saga pero nasunod ang mga ito kung saanman ako magtungo
hanggang sa maghabulan na. Talagang nag-uuminit ang mata nila sa bunga't di ako
tinantanan. Sa kakatakbo, labis-labis ang inabot kong pagod at hitik na sa
pawis ang buong katawan. Nasaway ko naman sila kinalaunan at di na nangahas
pang kuhain ang Saga. Kung makatingi'y tila ngayon lang nakakita
ng Saga. Ipinagpatuloy ko ang pangunguha ng Saga maging
sa hapon at naging katulong ko si Kikay. Matapos manguha,
tulong-tulong kaming dalawa sa paghimay. Pagsapit ng gabi, tamang upo lang
kaming magpipinsan at walang humpay sa pagkulwit ng kanya-kanyang Gadget na
tipong di magawang ialis ang mata't adik na adik.
6c-s. Maya-maya, naisipan namin kumanta sa
karaooke at kanya-kanyang pamalas ng natatanging tinig. Hiya ako sa una subalit
napabirit ako ng subukan at nakailang beses na sa pag-awit. Ang matino't
mahinahong kantahan, nauwi sa kalokohan at katatawanan. Tila kay lalakas ng
kanilang sapi habang nakanta at dami kong tawa. Sa kakatawa'y muntikan ng
mapunit ang ngala-ngala ko at sakit sa lalamunan. Ilang saglit pa, pumasok na
kami sa bahay at naghapunan. Bago matulog, kwentuhan muna kami ni Kuya
Darrel at Lyka't pampagana
sila ng gabi ko. Sa gana't sigla, tila hirap akong makatulog at ibig ko pang
maglakwatsa subalit malalim na ang gabi.
April 05, 2015
Sunday
(Easter Sunday)
Year III-095
6c-t. Parang kailan lamang ng sumapit ang
panahon ng kwaresma buhat ng Ash Wednesday, pagkatapos ay Pasko na
agad ng pagkabuhay. Masaya sapagkat buhay na ang ating panginoon pero malungkot
pagkat tapos na ang mahabang bakasyon para sa maraming bakasyonista at balik na
sa dating gawi bukas. Pagkagising at maaga pa lang, abalang-abala na sa
pag-iimpake sila Kuya Darrel. Ngayong araw na pala ang tulak nila
pabalik ng Maynila. Ibig ko na sanang sumabay sa kanila, pero mas
nangingibabaw sa isipan na magpaiwan muna at wala naman gagawin kapag nasa
bahay. Umiral ang lungkot sa aking dibdib ng lisanin na nila ang tahanan at
kasabay niyon ang pamamayani ng katahimikan. Ako at ang dalawa ko na lamang
tiyahin ang natira sa bahay at di maitago sa mukha ang pagkalumbay. Gayunpaman, pinilit
kong pigilan ang nararamdaman at nagpakatatag. Pinili ko ang ganitong desisyon
kung kaya ay dapat ko itong panindigan at tiisin.
6c-u. Matapos magpaalam sa kanila, tumungo
na ko sa labas at naglaba. Kung kailan naman naglalaba, nahihiya magpakita ang
haring araw at nagbabadya pang umulan. Ganito pala ang lagay sa probinsya kapag
naglalaba ka, kailangan pang sumalok ng tubig mula sa dram, di gaya kapag nasa
siyudad ka na patutuluin na lamang ang gripo habang ika'y nagkukusot at
nagbabanlaw. Kahit pahirapan, kaagad din naman ako natapos sa paglalaba.
Pangunguha muli ng Saga ang sunod kong inatupag at muntikan ng
magkasugat-sugat pagkat napakasukal ng daraanan at daming nagkalat na
patpat. Nakarami naman ako
sa pangunguha ng Saga. Ng wala ng maaninag na bunga, saka lamang
tumigil at pansamantalang nagpahinga. Ang lumbay sa dibdib, lalo pang sumidhi't
laking pagsisi ko pagkat nagpaiwan ako't wala na halos makausap sa bahay. Gawa
na nalulungkot, naisipan kong mamasyal. Habang namamasya'y biglang lapitan ang
iba ko pang mga pinsan, sasama raw sila sa akin. Biglang napawi ang lungkot ko
ng marinig iyon at sama-samang namasyal.
6c-v. Sa layo ng pinuntahan, bahagyang
nakaramdam ng pagod. May kabuluhan din pala ang naging desisyon ko't di akalain
na mangyayari sa iyon kahit payak lamang. Matapos mag-siyesta,
pangunguha muli ng Saga ang siya kong pinagkaabalahan at todo
sikap na sungkitin kahit napapaligiran na ng matitinik na damo. Sa sukal, pahirapan sa akin ang makakilos at nangati na nga ang hita.
Madilim-dilim na ng makabalik ako sa bahay at matinding gutom ang inabot ko.
Nadatnan kong nagkakainan na sila't sa gutom ay makakaya ko na ngang kainin ang
lahat ng nakahain. Maya-maya, bigla akong nakaramdam ng pananakit ng ngipin
subalit di pahalata sa takot na maulanan ng sermon, itinulog ko na lamang.
Bukod sa sumasakit ang ngipin, nangangati rin ako na siyang nagbigay pait sa
tulog ko. Ano ba ito, dami namang hassle at tila ayaw akong
tantanan.
April 06, 2015
Monday
Year III-096
6c-w. Balik sa dating gawi ang halos lahat
sa ating mga Pinoy buhat sa mahabang bakasyon. Umaatake muli
ang sakit ng ngipin at ito ang siyang sumira sa mahimbing kong tulog.
Pakiramdam ko, para akong lalagnatin subalit naibsan naman ang sakit pagsapit
ng umaga't kaagad na nagsipilyo matapos mag-agahan. Maya-maya, tumungo na ako
sa bahay ng Tita Mildred at doon nanatili. Kahit di hamak na
nalalayo na ang edad sa mga nakakabatang pinsan, nagawa ko pa ring makisama at
nakakalibang silang kasama. Kwentuhan, kulwit ng kanya-kanyang Gadget, iyan
lamang ang siyang pinagkaabalahan namin sa buong umaga't napakasarap ng
bakasyon ko. Naghari ang tuwa sa dibdib ng mabatid na magpipiknik sila ngayong
araw at sa tabing-dagat gaganapin. Pangalawang pagkakataon ko ng makatungo sa
dagat kung kaya di na muli maiwasang masabik, sa sabik ay dali-dali akong
tumungo sa bahay ng Lola Trining at inihanda ang
susuutin.
6c-x. Maya-maya pa'y gumayak na kami sa
dagat. Di hamak na mas marami ang kasama ko kumpara ng isang araw at mukhang
magiging masaya ang piknik naming magkakakamag-anak. Saktong mataas na ang
sikat ng araw habang kami'y naglalakad at tila kalbaryo iyon sa amin. Sa layo
ng nilakbay, pinagpawisan ako ng todo at napagod. Hinayaan ko munang manumbalik
ang dating lakas bago maligo. Nang makaipon ng lakas, daglian na akong lumusong
sa dagat. Wala kaming ibang ginawa kundi magsabuyan ng tubig alat at lumangoy.
Umaapaw ang ligaya ko ng mga oras na iyon. Sa labis na Enjoy,
matagal-tagal din kaming nagbabad at tampisaw sa dagat at halos mag-uling na
ang balat ko.
6c-y. Pagkaahon, kumain muna kami't tanging
dahon lamang ng saging ang nagsilbing plato kung kaya mistulang Boodle
Fight ang aming pagsasalo. Sa dami ng kinain, labis akong nabusog at
maya-maya pa'y nagtampisaw muli kami sa dagat. Habang lumilipas ang bawat
sandali ang unti-unting pagdami ng mga nagsisiliguan at inabot na kami ng hapon
na babad ang katawan sa dagat.
Malapit ng dumilim ng bumalik kami sa bahay at saka lamang
nakapagbanlaw. Kinagabihan at gawa na mag-isa lamang akong bata sa bahay ng
pumanaw na Lola Trining at Lolo Hilarion, nagtungo
muli ako sa bahay ngTita Mildred at nakipagkwentuhan. Nakakatuwa
talaga ang dalawang batang sila Sky at Lloydie at
napapaingles ako dahil sa kanila.
6c-z. Maya-maya, pumasok ako sa kwarto't
nakipaglaro sa mga pinsan. Alas-nuebe na pala't kailangan ko ng umuwi. Uuwi na
sana ako ng biglang tawagin ni Tito Goring at inayang tumagay.
Kahit di ko ugali ang tumagay, bilang pakikisama ay lakas loob kong nilagok ang
alak ng Lambanog at nag-init ng husto ang lalamunan pagkaubos
nito. Marami pa silang itinanong sa akin kung kaya napatagal ako. Pakiramdam
ko, napakagaling ko at sa kanila ko lamang naipamalas ang taglay na abilidad na
di ko maipakita sa iba at di ko batid sa sarili kung bakit nawala ang hiya. Sa
dami ng sinabi at napag-usapan, di namalayang Alas-onse na. Medyo inaantok na
ko kung kaya nagpaalam na sa kanila.
April 07, 2015
Tuesday
Year III-097
6d-a. Ibig ko pa sanang manatili ng ilang
araw sa Batangas at langhapin ang dalisay nitong hangin
subalit kailangan ko ng lumuwas sa Maynila pagkat mayenrollment pa
para sa NSTP. Labag man ito sa kalooban ko na lisanin ang mga
kaanak na nagbigay ligaya at kulay sa buhay ko subalit kailangan ko itong
gawin. Sa sarap ng tulog, mga dakong ikapito na ako nagising at inimpake agad
ang mga kagamitan. Di ko maiwasang malungkot pagkat mami-miss ko
sila. Maya-maya'y nakapang-gayak na ko't bago umalis ay nagpaalam muna sa
kanila. Ganito pala ang sitwasyon sa probinsya, di basta-basta makakahanap ng
masasakyan at pahirapan pa. Mga dakong ikasampo na ng makarating angTricycle at
sinamahan ako ng Tita Susan hanggang sa San Juan bayan.
Kung itrato na niya ako'y parang tunay niya kong anak pagkat todo pagpapayo ito
sa akin habang di pa nakakaalis at hindi siya aalis hangga't di ako
nakakasakay. Magkahalong tuwa
naramdaman ko sa kanyang pagmamalasakit at kahit kumbinsihin ko na umalis na at
sabihing kaya ko na ang sarili, nandiyan pa din ito at di niya ako magawang
iwanan.
6d-b. Di ko batid kung bakit ang bait-bait
niya sa akin at ang gaan-gaan ng loob sa kanya samantalang tiyahin ko lang
naman ito. Sabi nila, walang hihigit sa pagmamahal ng ina subalit sa aking
pakiramdam ay mas higit ang ipinapakita niyang pagmamahal. Di kaya siya ang
tunay kong nanay pero paano mangyayari iyon samantalang kamukha ko naman si
Mama at Papa at kung sakaling tama ang hinala ko, sa anong kadahilanan at
nagawa niya iyon sa akin. Mahirap man paniwalaan subalit di ko maiwasang
isipin. Mga dakong Alas-dose na ng makarating ang bus na aming
sasakyan at habang papaakyat ay nagpaalam na ko sa kanya. Sa haba ng binayahe,
mga dakong Alas-kwatro na ng makarating sa Maynila't medyo naninibago ako ng lagay
pagkat tila naiwan ang isip sa Batangas.
6d-c. Sa bigat ng bitbit dahil sa mga
dalang pasalubong, labis akong napagod. Alas-singko na ng makarating ako sa
bahay at maging ito'y malaki din ang pinagbago't tila matagal-tagal akong
nawala. Kaagad akong nagkwento kila Mama tungkol sa naging karanasan ko ng nasa
Probinsya pa't matapos ay naghapunan. Habang nakaupo, biglang nag-text ang
kamag-aral ko at ipinabatid na sa April 20 na magsisimula
ang klase para sa NSTP sa halip na sa April 13. Magkahalong inis at tuwa ang umiral sa dibdib ng mabatid ko iyon at
dapat ay di pa ko umuwi. Matapos manood ng telebisyon at gawa na lupaypay na
ang katawan sa pagod, kaagad na akong natulog.
April 08, 2015
Wednesday
Year III-098
6d-d. Maging sa oras kung kalian gusto
gumising ay nagbago din sapagkat mas maaga ang gising ko kapag nasa probinsya
kumpara na naririto na ko. Patuloy pa rin nakatatak sa isipan ang kanilang mga
ala-ala at tila ibig ko silang balikan. Tila di naging sulit para sa akin ang
bakasyon dahil sa NSTP na iyan at dapat sana ngayong araw
mag-e-enroll, subalit tinamad na at sa ibang araw na lamang. Matapos
humigop ng mainit-init na kape, nagbantay ako sa tindahan. Nakakawalang gana
ang magtinda kung matumal at walang kabuhay-buhay ang bentahan. Kalimitang
bumibili, mga bata't puro tigpi-piso lang naman ang binibili at binibigay. Dala
na ako'y bagot na bagot, paglalaro muli ng Cellphone ang
siyang kinaadikan ko at nakakaadik mag-Facebook at mag-Instagram.
6d-e. Anong tindi ang naramdaman naming
init pagsapit ng tanghali't ibig kong ipasok ang sarili sa Refrigerator subalit
di maaari. Maalinsangan na nga ang panahon, sumabay pa ang Brownout. Wala kaming ibang
ginawa kundi ang magtiyaga, pasasaan pa at magbubuhos din ng milagrong tubig
ang panginoon pagkat di niya tayo hahayaan magdusa sa init at tigang. Naibalik
naman ang kuryente bago sumapit ang gabi. Pagsapit ng gabi, nagimbal ang
kalooban ko at nadurog ng mapanood sa balita na walang awang minomolestiya ng
lalaki ang kanyang anak at sa mismong lansangan pa iyon ginawa. Kaawa-awa ang
sinapit ng bata at dapat sa kanya, hatulang makulong ng matagal di yung
kalahating araw lang at ilayo ang bata sa kanya upang di na makaranas pa ng
pagmamalupit.
6d-f. Kahit sabihing nagnakaw ang bata, di
niya dapat pinagbuhatan ng kamay at pinahiya, bagkus ay pinagsabihan na lamang.
Di naman natin siya masisisi kung nagpadala sa bugso ng damdamin pero dapat ay
inisip niya kung ano ang kahihinatnan. Bukod pa riyan, samu't saring
balita din ang nasagap ko't grabe ang mga menor de edad ngayon, nagagawa ng
magnakaw at pumatay kahit wala naman kasalanan ang biktima. Kung ako magiging
Pangulo, ang panukala ko'y babaan na ang edad na maaring makulong, ng sa ganon
ay matakot sila at malihis sa masamang gawain.
April 09, 2015
Thursday
(Araw ng Kagitingan)
Year III-099
6d-g. Holiday muli at ito
ang araw upang alalahanin ang katapangan at katatagang ipinakita ng hukbong
sundalo noong World War Two. Napakatindi ng naganap noong panahong
iyon sapagkat walang awa silang pinahirapan ng mga Hapon at
pinaglakad pa ng napakalayo na kung tawagin ay Death March. Bukod
pa riyan, kawawa ang mga kababaihan sapagkat walang hiya silang pinaghahalay ng
mga Hapones. Ipinagpapasalamat ko na lamang dahil nakaligtas ang
mga ninuno ko mula sa pananakop ng mga Hapon at di ako nabuhay
sa ganong panahon. Pag-uusap nila Mama at Ate Cecile ang
tumibag sa masarap kong tulog, pagkatingin ay maliwanag na sa labas at agad na
bumangon. Matapos magkape, gawaing bahay agad ang inatupag ko. Maaliwalas ang
lagay ng panahon kung kaya naisipan kong maglaba. Sa dami ng nilabhan, inabot
ako ng halos dalawang oras na babad ang kamay at nangaubos ang lakas ko.
6d-h. Parati na lang di sumasaang-ayon sa
akin ang panahon at kung kailan nagsasampay na, saka naman nawala ang init,
idinaan ko na lang sa Dryer upang matuyo agad. Matapos magsampay,
pagtatanim ng Saga at pagdidilig ng halaman ang sunod kong inatupag.
Kanina pa ko nakakaranas ng gutom subalit wala pang nalutong ulam, naghintay
muna ako't nilibang ang sarili sa paglalaro ng cellphone. Ng maluto ang
kakainin, mas maaga pa sa Alas-kwatro ang pagtungo sa mesa at nakatatlong
platong puno ako sa tindi ng gutom. Malakas akong kumain subalit malatingting
pa rin ang pangangatawan at ano kaya ang mayroon sa loob ng tiyan ko? Di kaya
may naninirahang Anaconda at sa kanya lahat napupunta ang
kinain?
6d-i. Pagsapit ng hapon, nagtungo muli ako
sa labas at nagkumpyuter. Hindi naman makapag-concentrate sa
ginagawa pagkat ang iingay at ang gugulo ng mga umuupa. Sa sobrang humaling,
malapit ng dumilim ng magpasyang mag-log-out. Bago umuwi'y naisipan ko
muling magtungo sa bahay nina Cathy. Pagkarating, nadatnan kong
nagkakarooke sila subalit wala pa roon si Cathy. Upang di mainip sa
kakahintay at dahil hilig ko din ang umawit kahit di pinagkalooban ng magandang
tinig, kinapalan ko ang mukha sa pagkanta. Lumipas ang ilang sandali, sa wakas
at dumating na si Cathy. Na-miss namin ang isa't isa
kung kaya kamustahan at kwentuhan kaming magkumare.
6d-j. Masaya manatili sa kanila kung kaya
di namalayang malapit ng mag-ikawalo, kinailangan ko ng magpaalam sa kanila.
Ang kaba sa dibdib, muling naghahari sapagkat bukas na ang balak ko upang mag-enroll at
bukas ko na rin makikita ang grade nitong nakaraang semester,
kamusta kaya mga grado ko at sana'y maganda lahat ang kalalabasan ng mga
asignatura ko. Hindi pa dinadalaw ng antok kung kaya nanood muna ng pelikula.
Maya-maya'y nahiga na ko. Anong alinsangan ng panahon at nilalamok pa kung kaya
hirap makatulog ng maayos. Upang di antukin, nilibang ko muli ang sarili sa
paglalaro ng gadget subalit di naman epektibo upang antukin.
April 10, 2015
Friday
Year III-100
6d-k. Ang kaba na kagabi ko pa nararanasan,
lalo pang umigting at patuloy ito sa pagsidhi habang napipintong malaman kung
ano ang naging resulta ng aking pag-aaral. Nawa'y magkamali ako sa aking kutob.
Pinipilit kong maging positibo subalit di talaga maiwasang kabahan na tipong
lalamunin na ako't iyon ang pumipigil sa akin upang ituloy ang balakin. Walang
magagawa kung parating pinanghihinaan ng loob at bahala na. Maliwanag na sa
labas ng ako'y magising at mag-almusal. Matapos mag-agahan, diretso bihis at
ligo na ako. Pagkarating ng yapak sa unibersidad, manaka-naka pa lamang ang
pagdagsa ng mga estudyante at habang papalapit kung saan ang kuhaan ng grade magingenrollment ay
unti-unti pang tumitindi ang kaba sa dibdib at iniisip na ipagpabukas na lamang
subalit ayaw kong umatras at tatanggapin ng buong loob kung anuman ang magiging
kalalabasan.
6d-l. Tila nabunutan ako ng malaking tinik
sa lalamunan ng makita at makuha anggrade at kahit puro dos ay
pasalamat pa rin sapagkat walang bagsak. Pagkakuha ng grade, sumunod
ay nag-enroll na ako para sa NSTP at napakaikli
lamang ng pila kung kaya agad din akong natapos. Kahit nakaka-tense ay
nawala naman ang hiya pagkat si Ma'am Trisha ang nag-enroll sa
akin at pinapalakas niya ang loob ko upang mag-aral pa ng mabuti. Ang bait
niya't hiling na maging guro muli ito sa pasukan. Tutungo pa ko sa bahay
ng Tita Cleo upang isauli ang hiniram na sinturon kaya di pa ko
dumeretso sa pag-uwi. Pagkarating, tanging si Angelle lamang
ang nadatnan ko't humaling na humaling sa pagkukumpyuter, naghuntahan muna
kaming dalawa.
6d-m. Maya-maya pa'y dumating na ang Tito
Lito't natutuwa naman
ako sa kanya pagkat gumagaling na ito at nakakapaglakad na ng maayos. Hindi na
ko nagtagal pa sa kanila at pagkabigay ng sinturon, kaagad ng nagpaalam sa
kanila. Habang lulan ng Tricycle ay naasiwa ako sa asal ng
tsuper sapagkat dinaig pa ang babae kung magtaray at di man lang marunong
maghintay ng ibabayad sa kanya. Tila nagmamadali kaya apuradong-apurado o baka
naman may mabigat na pinagdaraanan. Gayunpaman ang dahilan ay di niya dapat
ibunton sa pasahero at nilawakan na lang ang pag-unawa sapagkat wala ng sasakay
kung ganon siya makitungo. Parang di ko na ibig pang sumakay at gusto ng
bumaba. Sa haba ng biyahe, nakaramdam ako ng gutom at diretso lantak ng
nakahaing ulam pagdating sa bahay. Matapos kumain, ako'y nag-siyesta at
malapit ng gumabi ng magising.
6d-n. Pagsapit ng gabi at gawa na
napakaalinsangan ng panahon, naisipan kong magpahangin at magbantay na din sa
tindahan. Tamang kwentuhan lamang kami ni ina habang nagbabantay sa tindahan.
Natutuwa naman ako sapagkat lahat ng gustong sabihin, nailalabas ko sa kanya.
Maya-maya pa, nagsara na kami't kahit paano'y nababawasan na ang init na
nadarama habang lumalalim ang gabi. Bago matulog, tamang online muli
sa Instagram at Facebook at di ko talaga
maawat ang sarili sa sobrang humaling. Halatang naadik na nga ako. Maging
litrato ni crush, di matiis na tingnan at halos mangasim ang mukha
sa labis na kilig. Ng maubusan ng baterya, saka lamang nagpasyang matulog.
April 11, 2015
Saturday
Year III-101
6d-o. Malapit ng mag-ikapito ng dumilat ang
parehong mata at bumangon. Ano ba ito at tila kinukutuban ako ng di maganda.
Hirap malaman kung ano ito. Sa pagkakaalam ko'y wala naman ginawa kung kaya
binalewala ko na lamang. Habang nagkakape, bigla akong kinausap ni Ate
Cecile at tuwa agad ang umiral sa dibdib ng ipabatid na isasama niya
ko sa Cagayan kapag umuwi ito. Sa tana ng buhay ko ay di pa ko
nakakapunta sa Probinsyang iyon kaya nag-uumapaw ang ligaya ko't sabik na sabik
subalit biglang nagbago ang lahat ng di payagan ni Mama. Makakasama sana ako,
kaso may pasok na kami sa mismong araw ng pagpunta at di ako maaring lumiban,
tinanggap ko na lang kung ano ang naging desisyon ni Mama't marami pa naman
pagkakataon. Maya-maya, sinimulan ko na ang gawaing bahay. Linis dito, linis doon, iyon lamang ang pinagkaabalahan ko, ang kaso'y
madumi pa rin kahit anong linis pagkat bumabalik ang alikabok.
6d-p. Matapos maglinis sa loob ng bahay,
pagbabasa ng bibliya ang sunod na inatupag. Nakaramdam lamang ako ng konting kilabot
ng basahin ang Pahayag at hirap paniwalaan na lahat ng
nakatala doon ay nagaganap na at maaaring mangyari sa hinaharap. Naniniwala ako
sa bibliya pero di ko maiwasang matakot kapag naniniwala. Pagsapit ng
hapon, panonood naman ng Video ang pinaglibangan ko. Ang takot
sa kalooban, di ko mapigil habang pinapanood ang pelikulang Wrong turn at
ayaw kong tumingin pagkat karumaldumal ang pagpaslang sa mga biktima at tila
wala silang kululuwa kung gawin iyon. Bukod pa roon ay parang hayop kung
lamutakin ang lamang loob ng tao at sa lahat ng horror movie na
napanood ko'y iyon ang Worst.
6d-q. Maya-maya'y hapunan na at sa tuwing
sasagi sa isipan ang eksenang iyon ay napapatayo ang balahibo ko sa takot at
tila di na ibig ang kumain pagkat ako'y nandidiri subalit magugutom at
magkakasakit naman kapag di ako kumain. Naiwaksi naman sa isipan ko ang ganong
alaala at sa gutom na rin, naging magana pa din sa pagkain. Pagsapit naman
ng gabi, ang takot sa dibdib ay napawi at pumalit naman ang saya habang pinapanood
ang Your Face sounds Familiar. Sa kulit umakto ng mga Celebrity habang
nanggagaya'y nawalan na ko ng hiya sa pagtawa't nakakaenganyo silang panoorin.
Hindi pa ko inaantok, kung kaya tamang laro muli ng Gadget at
iyon ang pinagpuyatan ko. Eksakto Alas-dose na ng maisipang matulog.
April 12, 2015
Sunday
Year III-102
6d-r. Napakaganda ng napaginipan ko at iyon
ay nagtungo raw kami sa Cagayan. Habang nasa biyahe'y namangha ang
mata ko ng makita ang iba't ibang magagandang tanawin at para ba gang
nakarating ako sa ibang mundo. Hiling ko lang na magkatotoo ang napaginipan ko
at makapunta na nga roon, upang sa gano'y makilala ko ang iba pang mga
kaanak. Ang magandang panaginip ang siyang nagbigay kulay sa umaga
ko't pakiramdam ko ngayon, nag-uumapaw ang sigla sa dibdib at tila bagang
sasabog ako sa tuwa. Kaagad kong naibahagi kila Mama ang tungkol sa napaginipan
ko, kaso may sinabi ang ate na siyang ikinahina ko't mananatiling pangarap na
lamang daw ang pagpunta ko doon. Ipinagsawalang bahala ko ang kanyang
sinabi't umaasa pa rin na makakarating ako doon. Gawa na may pinuntahan sila
Mama, ako muna ang pansamantalang nagbantay sa tindahan. Napapansin ko lang na
kapag ako ang namamahala, napakatumal ng pagdating ng mga mamimili samantalang
sunod-sunod kapag si Mama.
6d-s. Ang nakakairita pa, biglang darating
ang mamimili kung kailan nasa loob ka ng bahay at may ginagawa. Tila marahil
pinaglalaruan ako ng kapalaran. Sumigla naman ang bentahan kinalaunan subalit
mukhang naisahan ako ng isang mamimili. Sabi niya'y magbabayad ito kapag
nakapamili na't kaya ibinigay ko na sa kanya kung ano ang binibili subalit di
na ito bumalik. Napakatanga kong nilalang at di ko dapat siya pinagkatiwalaan.
Mabuti na lamang, namukhaan ko ito at sisingilin ko siya kapag bumili ulit.
Habang nagtitinda, pagbabasa ang siya kong inatupag, ng sa gano'y lumawak ang
kaalaman at di mabato. Kung anumang bagay ang napagdadaanan ko ngayon, umaasang
malalampasan at pipilitin kong maging matatag.
6d-t. Bago sumapit ang tanghali ng
makabalik sila Mama bitbit ang pinamiling Fried Chicken at
iyon ang naging pananghalian namin. Sa sarap at lutong nito, hindi ako naging
mahinay sa paglantak at halos di na maigalaw ang katawan sa labis na kabusugan.
Batid kong mali ito pero sa takot na masermunan ng walang humpay, inilihim ko
kay mama ang tungkol sa nangyari kanina. Maya-maya, sa di inaasahan ay
bigla na lamang kami nagkaroon ng kaunting hidwaan ni ina dahil lamang sa di
pagkakaintindihan ukol sa pagbebenta ng yelo. Bakit kasi sasabihin niyang
walang yelo samantalang sa pagkakaalam ko'y mayroon pa't pinapalabas pa na
nagsisinungaling ako. Hindi ako natuwa sa ginawa niya at sa inis ay nagawa ko
itong sagutin.
6d-u. Nagpapakatotoo lang naman tapos
minamasama pa niya. Mabuti na lamang, di tumagal ang hidwaan namin. Kinahapunan
at ng mapansing di na nakakapaso sa balat ang sinag ng araw, lumabas ako't
naisipang magkumpyuter. Naghihingalo na ang liwanag ng matapos sa
pagkukumpyuter at bago umuwi, nagtungo muna sa bahay nina Tita Arlene.
Saktong nadatnan kong naroroon si Nessie maging sina Lola
Lydia at Lolo Pinong subalit wala sina Jaypee at Gio. Sa
tagal ng panahon na di kami nagkikita ni Nessie buhat ng
pagkabata, kamustahan at huntahan kaming dalawa. Medyo lumalalim na ang gabi at
gustuhin ko pa man manatili sa kanila, kinailangan ko ng umuwi.
6d-v. Pagkauwi'y panonood agad ng Video ang
siya kong inatupag. Habang pinapanood ang Apocalypto, inis ang umiral sa
dibdib at mas masahol pa sa Death march ng paglakarin ang mga
alila ng napakalayo habang sakbit sa balikat ang napakabigat na troso at
matitira kung sino ang matatag. Bukod pa roon, napakasadista din ng pinuno't
parang hayop kung dukutin niya ang puso ng mga bihag sabay pupugutan pa ng ulo.
Grabe at nakakasuka't nakakadiring panoorin ang pelikulang iyon. Sa haba ng
pelikula't enganyo na din, di namalayang Alas-dose na pala. Hinintay ko munang
matapos ang pelikula bago matulog.
April 13, 2015
Monday
Year III-103
6d-w. Matapos ang dalawang araw na
pamamahinga and spend the time to bonding with your Friends,
balik trabaho muli ngayong Lunes at tila nakakabitin kung iisipin. Pagmulat ng
dalawang mata'y tinig ng may edad ang agad kong naulinig at di naman lubos
maunawaan kung ano ang binibigkas. Tila pamilyar sa akin ang tinig na iyon at
ito'y mahinahon na minsan ay dumidiin. Pagkabangon, nakarating na pala ang
bisita namin galing Cagayan na sila Auntie Virgie.
Bukod sa kanya'y may kasama pa itong dalawang bata na sina Janella at Zyriel.
Kinilala ko sila't di akalaing pamangkin ko na pala ang mga ito. Ang dala
nilang pasalubong ang naging agahan namin at sa sarap at linamnam, di ko maawat
ang bibig sa paglantak at bago lamang sa panlasa ko ang karamihan sa produktong
dala nila. Pagkatapos mag-agahan, kaagad na kong nagbantay sa tindahan.
6d-x. Kwentuhan sina Mama, Ate
Cecile at Auntie Virgie, hindi ko naman maunawaan kung
anong pinag-uusapan pagkat Ilokano't out of place tuloy
ako. Ang dalawa ko namang pamangkin, tila naninibago't kung ano-ano ang
kinakalikot. Kinausap ko sila, nakakaintindi naman ng Tagalog ang
kaso'y di magawang umimik at di makatitig ng diretso, marahil ay nadudungo. Ano
ba ito at sa aming magkakasama, ako ang bukod tanging walang alam sa dayalekto
nila. Maya-maya pa,
tanghalian na, salo-salo kaming magkakamag-anak sa hapag-kainan. Pagsapit ng
tanghaling tapat maging sa hapon, napakasama ng init ng panahon at nakakabigay
pa ng sakit sa ulo. Ilang sandali, nag-aya si Auntie Virgie na
dumalaw sa bahay nila Tita Arlene. Nakakatamad lumabas pagkat
mainit subalit dahil may edad na at di na kayang maglakad ng mag-isa, sinamahan
ko si Auntie Virgie sa pagtungo sa kanila.
6d-y. Sa tindi ng init na malapugon, labis
akong pinagpawisan pagkarating namin doon. Animoy ilang dekada ng di nagkikita
kung magyakapan sina Auntie Virgie at Lola Lydia.
Magtatagal pa sana ako subalit naiinip na si Janella, agad na
kaming umuwi at nagpaiwan si Auntie Virgie. Bumalik naman kami kung
kailan malapit ng gumabi upang sunduin si Auntie Virgie. Nadatnan
naming sayang-saya si Auntie Virgie sa paglalaro ng baraha. Ilang sandali pa,
lumakad na kami pauwi. Ang bahay na kanina'y payapa, umingay dahil sa dalawa
kong makulit na pamangkin. Kahit nasa hustong edad at sa halip na sawayin,
upang maaliw ay nakipagharutan at kitian ako sa kanila. Biglang sumagi sa
isipan ko ang tungkol sa kabataan habang ginagawa iyon at nakaramdam ng
kaligayahan sa dibdib. Masyado ng magulo ang bahay kung kaya sinaway ko na ang
mga ito. Anong init pa rin ng panahon kahit sumapit na ang gabi. Maya-maya,
bumuhos ang ulan subalit bahagya lamang at di naging sapat upang maibsan ang
malaimpyernong lagay. Sa pagod at antok, napaaga ang pagtulog ko.
April 14, 2015
Tuesday
Year III-104
6d-z. Kakaibang sigla muli ang naramdaman
ko pagkagising at pakiwari'y napakakulay ng umaga. Habang nagmumukmok sa iisang
tabi, inudyok muli ako ng Auntie Virgie na magtungo naman sa
bahay nila Auntie Andrea. Mabuti na lamang at nasa Mood ako
kaya ganadong-ganadong magtungo roon. Pagkarating namin doon, si Tito
Allan lamang ang nadatnan namin samantalang tulog pa ang mga tiyuhin
at tiyahin ko. Kwentuhan muna kami habang hinihintay si Auntie Andrea.
Maya-maya pa, dumating na si Auntie Andrea. Panay ang kwentuhan ng
dalawa, ang kaso di ko naman lubos maunawaan. Sa kagustuhang matutong mag-Ilokano,
pinapakinggan ko na lamang kung anong sinasabi nila kaso di ko talaga maunawaan
at ang bibilis pa magsalita.
6e-a. Buti na lamang, bumangon na ang mga
Tiyahin ko't sila ang sumalba sa pagiging Out of place ko. May
pupuntahan pa kami, kaya di na nagtagal pa kina Auntie Andrea. Pagdating sa bahay,
kaagad na kaming kumain at nagbihis. Magkahalong tuwa at sabik ang nararanasan
sa dibdib pagkat tutungo kami ngayon sa SM. Pagkasakay namin
sa Jeep, laking gulat ko na lamang ng matuklasang nawawala
ang Cellphone. Parang gulay ang dibdib ko na unti-unting nalalanta
dahil sa panghihinayang at laking pagtataka ko kung paano iyon nawala. Panay
ang halungkat ko sa bag maging sa bulsa, nagbabakasakaling
masusumpungan ito subalit wala.
6e-b. Ano ba ito at sa halip na maging
masaya ang bonding namin nina Ate Cecile ay
maauwi lamang sa labis na pag-aalala at wrong timing naman ang
pagdating ng problema. Halos ikasira na ng tuktok sa labis na pag-aalala. Pagdating sa SM
North EDSA, dali-daling nagpa-load ang Ate Cecile at
kinontak ang number ng Cellphone ko.
Inigtingan ko ang pagdadasal habang tinatawagan ng pinsan ko't saktong may
sumagot naman. Tila nabunutan ng tinik at nabuhayan ako ng loob pagkat ang
nakapulot ay mabubuti ang loob at kamag-anak pa nina Ate Melon. Nangako
naman siya na ibabalik angCellphone. Akala ko, mawawalan ulit ng cellphone at
laking pasalamat ko sa maykapal pagkat hindi niya hinayaan na mawala iyon sa
akin.
6e-c. Maya-maya, nagtungo na kami sa Toy
Kingdom upang katagpuin ang iba pang kaanak. Sina Kuya Dado pala
ang nadatnan namin pagkarating doon. Tumungo na agad kami sa Toms World.
Kahit binata, nagawa ko pa rin maglaro ng palaro roon at labis akong naaliw.
Mga dalawang oras din kami naroroon at halos maubos na ang pera sa kakabili
ng Token. Sa kakalaro, bahagyang kumalam ang sikmura, kumain muna
kami sa Jolibee.
Balak pa sana namin igala ang sarili kung saan-saan, kaso pagod na raw
si Auntie Virgie, kinailangan na namin umuwi. Pagkauwi, lalo pang
nadagdagan ang tuwa sa dibdib ng makitang naibalik na ang Cellphone at
laking pasalamat ko talaga kila Ate Melon. Sa pagod, natulog muna
ako. Pagkagising ay saktong naririto na ang Tita Susan galing Batangas at
ito'y may kasama. Kaagad akong nanalubong sa kanila. Mukhang
dumarami na ang bisita sa aming bahay at sa dami, wala na halos matulugan at
mistulan ng sardinas ang sitwasyon. Kahit na ganon, masaya pa rin.
April 15, 2015
Wednesday
Year III-105
6e-d. Sa antok at dala na rin na malamig
ang panahon, di ko pa ibig imulat ang mga mata. Pakiwaring ako na lamang ang di
pa bumabangon sa aming magkakasama at dinig ko na ang maingay nilang pag-uusap,
bumangon na ko. Kakapasok pa lang ng Alas-sais subalit napakaliwanag na sa
labas at di gaya sa ibang panahon na tila di pa sumisikat ang araw. Sa halip na
kumain ng agahan, nagkape lamang ako. Maya-maya'y dumako na ko sa tindahan at
nagbantay muli. Nakakawalang ganang magtinda kung mahina naman ang benta at
kung may bibili, puro mga bata't piso lang naman ang ibinibigay kung kaya
nakakatamad pagbentahan at tagal-tagal pa mamili. Kaya minsan, sinusubukan kong
habaan ang pasensiya kapag sila ang bumibili subalit di maiwasang mairita at
masigawan sila.
6e-e. Habang nagtitinda, ang Tita
Susan, kapansin-pansing kahapon pa matamis ang pakikitungo sa kasamahang
Lalaki at tila nakikita kong may Something sa kanilang dalawa.
Kung maghawakan ng kamay at maglambingan sa isa't isa, parang dinaig pa
ang PBB Teens.
Hindi na bagay para sa kanila ang gawin iyon pagkat matatanda na subalit
nauunawaan ko ang Tita, tumanda ba namang dalaga't kung kailan ba naman
nagkakaedad na'y saka pa nagkaroon ng kaluguyo. Ibig ko sanang alamin kung
kasintahan niya ba ang lalaking iyon, subalit pinanghinaan ako ng loob. Patuloy
ko silang pinagmasdan kung paano ang lampungan nila't halos guyamin na sa
sobrang tamis. Bahagya akong nakaramdam ng gutom subalit di pa kaagad kumain
pagkat wala pang naluluto, naghintay muna ako't walang ginawa kundi magtiis.
Maya-maya, tanghalian na't sige lamang ako sa paglantak hangga't may mahihita. Kinahapunan,
ibig ko sanang ipasyal ang sarili sa labas subalit tinatamad ako, panonood na
lang ng pelikula ang inatupag ko.
6e-f. Sa sobrang humaling ko sa panonood at
tutok ng mata, pinagpawisan ako't di namalayan ang paglipas ng mga oras. Kahit
na ganito lang ang araw ko, nanatili pa ring maligaya. Bago pa man kumagat ang
gabi ang biglang pagdating ng iba pa naming kaanak na sila Ate Madelyn at Kuya
Dado bitbit ang iba ko pang pamangkin. Sa dami ng kamag-anak ko na
nakatira sa iisang bubong, siksikan na halos kami at naging maingay na ang
buong bahay subalit masaya. Iniisip ko na tuloy kung saan ako matutulog at
mukhang kukulangin na sa higaan, sa dami ba naman naming magkakamag-anak. Bago
matulog, nanood muli ako ng pelikulang pinamagatang Tataynic at
di ko mapigilan ang bibig sa paghalakhak. Bawat eksena'y punong puno ng
katatawanan at kalokohan, ang husay talaga magpatawa ni Comedy king Dolphy.
Hango din ang pelikulang iyon sa Titanic na humakot ng maraming
parangal sa Oscars at nakakawiling panoorin. Kahit
malasardinas na ang sitwasyon sa dami namin, naging matiwasay pa rin ang
pagtulog ko.
April 16, 2015
Thursday
Year III-106
6e-g. Kasing sarap ng pagkaing pangmayaman
ang tulog ko at pagkagising, ako na lamang pala ang nakahiga kung kaya bumangon
na rin. Karamihan sa kamag-anak ko'y puro taga-norte na Ilokano ang
siyang dayalekto kung kaya di ko maintindihan kung ano ang turan nila. Maging
mga pamangkin ko, di makausap ng matino pagkat di matatas kung mag-tagalog.
May ilang salita rin akong nakakalap na alam ang kahulugan kaya nauunawaan
subalit babahagya lamang at tila balagtasan silang mag-usap dahil may punto ito
at mabilis. Sa tuwing mabibigla'y natatawa ako sa ekspresyon nila't nagiging
literal ang kahulugan sa akin. Maya-maya, nag-aya muli si Auntie Virgie na
tumungo sa bahay ng kaanak. Sa totoo lang ay tinatamad ako pero dala ng hiya,
labag man sa kalooban ay pumayag pa rin ako't sinamahan sila. Sa bahay ng Auntie
Cleng naman kami bumisita.
6e-h. Ilang buwan na rin akong di
nakakabisita sa kanila at nakikitang marami ng nagbago sa bahay nila.
Nagsama-sama ang mga pamangkin at pinsan ko na pawang paslit kung kaya naging
maingay at magulo.
Ilang sandali pa, umalis na kami at sa bahay naman nila Tita
Arlene sunod na nagtungo. Nadatnan naming abala sa pagtatahi ang Lola
Lydia samantalang pagkukulwit naman ng kanya-kanyang gadget ang
mga pinsan ko. Balak pa sanang dayuhin maging ang bahay nila Auntie
Andrea subalit pagod na ang iba ko pang kasamahan, umuwi na kami.
Ibang klase din ang Auntie Virgie at gusto marahil ay i-tour ko
sila sa bahay ng mga kaanak. Sa kakalakad, maski ako'y nakaramdam ng pagod.
6e-i. Ang bahay na dati'y payapa,
nababalutan na ngayon ng ingay dahil sa mga maliliit kong pamangkin at tila
walang kasawa-sawa sa pakikipagharutan. Mistulan na tuloy Playground ang
bahay namin at kahit anong saway, di natimo, siyempre bata nga. Pagsapit ng
tanghali'y napakatindi ng alinsangan ang aming naranasan. Sa init, halos lahat
sa amin ay tumambay sa labas, makalanghap lang ng preskong hanging. Tuwa ang
umiral sa kanya-kanyang mga dibdib ng makitang nagbabadya ng umulan. Akala
namin, makakaahon na mula sa init subalit hindi naman pala pagkat di natuloy
ang ulan. Ipinahid ko na nga ang yelo sa katawan, maibsan lang ang
malaimpyernong pakiramdam, kaso nagmistulang basang sisiw naman ako.
6e-j. Pagsapit ng gabi, ano ba ito at
tinamaan muli ako ng pagkabato at walang maisipang gawin. Panonood muli ng pelikula
ang inatupag ko. Halos ikawasak ng puso ko ang palabas ng makitang walang awang
pinapahirapan ng mga Hapon ang mga Pinoy at
puro patayan na ang nagaganap. Grabe pala ang hirap na dinanas ng mga Pinoy sa
kamay ng mga Hapon at mas masahol pa sa demonyo ang pag-uugali
nila. Mabuti na lamang, may nabubuhay ng matatapang at walang takot na
ipinagtatanggol ang kanilang bayan. Tila bulang naglaho ang ngitngit sa dibdib
ng dumating ang mga hukbong Amerikano at sanib-pwersang
pinabagsak ang mga Hapon. Sa labis na humaling, di napansing ako na
lamang pala ang gising sa aming magkakasama, natulog na din ako.
April 17, 2015
Friday
Year III-107
6e-k. Hindi pa man sumisikat ang
bukangliwayway, dinig ko na ang malakas na tinig nila ina't hala ang sige pa sa
halakhakan. Namamayani na ang ingay sa loob ng bahay kung kaya bumangon na ko.
Manamis-namis na Suman na gawa nila Auntie Virgie ang naging
agahan namin. Iba talaga ang sarap kapagIlokano ang nagluto't sa
sarap, tila di ko magawang magtira para sa kasamahan. Matapos kumain, naupo
muli sa tindahan at nagbantay. Puro kapwa Ilokano talaga ang
kasamahan sa bahay kaya patuloy kong nadidinig ang dayalekto nila, ang kaso ay
sila-sila lamang nagkakaunawaan at parang wala ako sa Maynila. Habang nagtitinda'y pagpe-Facebook ang pinagkaabalahan ko. Nang
makapag-upload, laking gulat na lamang ng aksidenteng mai-tag kay
Mama at Ate Cecile ang mga litrato. Panay ang paliwanag at
paghingi ng paumanhin ko subalit di ako pinakinggan ni ina't nagpamalas pa na
ng mapupusok na salita.
6e-l. Kay babaw lamang ng dahilan, nag-away
pa kami ni ina't iyan ang problema sa kanya, hindi marunong umunawa sa
paliwanag at parating pinapairal ang bugso ng damdamin. Nayayamot na ko sa
kanya kung kaya kahit may mga bisita, nagawa pa ring makipagpalitan sa kanya.
Sabihin mang nakakahiya ang ginawa, basta ang mahalaga'y di ako naging plastik
at maigi ng ilabas ang totoo mong kulay. Masisi ba naman ako kung magiging
ganoon ang reaksyon ko. Kinalaunan, humupa naman ang hidwaan namin ni ina't tila
walang nangyari. Pagsapit ng tanghali, pansamantala akong natulog. Sadyang
napakainit ng panahon kung kaya basang-basa na ng pawis pagkagising. Matapos
namin mananghalian, kanya-kanya ng bihis at pag-aayos pagkat tutungo kami
ngayon sa Mall of Asia. Unang beses ko pa lamang makapunta sa MOA kung
kaya nag-uumapaw na ang sabik at ligaya sa dibdib. Bukod pa roon ay ora-orada
kaming magkakamag-anak na mamamasyal sa MOA at kay saya
naman.
6e-m. Mga dakong ikaapat na ng makarating
kami sa Mall of Asia at nanlaki ng husto ang mata ko pagkat sa
labas pa lamang, makikitang napakalawak ngMall. Naglibot-libot at
nagkuhaan pa kami ng litrato. Pagdako sa likuran ng mall, tumambad
sa amin ang magagandang tanawin ng Manila bay at di mahulagang
karayom ang dami ng Tao. Sa tabi ng dagat, may iba't ibang mga rides din
at nakakaenganyong sumakay subalit butas ang bulsa ko. Sa lawak ng mall,
marami kang maaring pasyalan. Sa kakapamasyal, nakaramdam kami ng gutom at
sa KFC naisipang kumain. Medyo nakakasawa na ang Chicken
joykaya Chicken ala-king ang inorder ko. Sa tagal lutuin,
tapos na silang lahat sa paglantak ngunit heto ako't nganga pa rin sa
kakahintay.
6e-n. Pagkahain at kahit may kasarapan, di
ko na-enjoy pagkat kailangan ng magmadali at tila challenging
ang aking pagsubo.
Matapos kumain, tumungo naman kami sa Coastal Area upang
abangan ang engrandeng Fireworks display. Pagkatungo, nagsimula ng
sumiklab ang Fireworks at tutok ang lahat ng manonood sa kalawakan.
Sa ganda at makulay nitong ilaw habang sumasabog, labis ang halina ko subalit
nakakabitin pagkat saglit lamang iyon. Maya-maya, humiwalay na sa amin
sila Kuya Dado at nagpasya ng lisanin ang Mall of Asia.
Kahit di gaanong nagtagal sa Mall, isa ang araw na ito sa
pinakamasaya at di ko malilimutan dahil nakapunta sa pinakamalawak na Mall sa
buong Asya. Naabutan na pala kami ng Rush hourkaya
naipit na sa mabigat na trapiko sa kahabaan ng EDSA. Sa tagal na
babad ang sarili sa Bus, nahilo na ko at ibig ng bumaba. Malapit ng
sumapit ang Alas-onse ng makarating sa bahay. Bagsak kaming lahat at sa labis
na pagkamugto ng mata, kaagad akong natulog pagkabihis. Kahit malabo ng
makapunta muli sa MOA, sana'y maranasan ko ang di pa nararanasan at
napupuntahan sa tana ng buhay.
April 18, 2015
Saturday
Year III-108
6e-o. Lugmok talaga ang mga mata sa tindi
ng antok, kung kaya maliwanag na sa labas ng magsigisingan at bangon kami. Ang
taglay na ganda ng Mall of Asia, patuloy pa rin nakatatak sa isipan
at namumutawi ang saya sa dibdib kapag binabalik tanaw ang mga masasayang
sandaling naroroon. Minsan lang dumating ang espesyal at masayang araw sa buhay
kaya huwag ng mahiyang sulitin. Mga dakong Alas-Siete na ng ako'y bumangon.
Bahagyang tumahimik sa loob ng bahay pagkat nabawasan na kami ng bisita,
bahagya tuloy lumungkot. Mabuti na lamang, naroroon pa sila Auntie
Virgie at ang dalawa ko pang pamangkin at sila ang pumaram sa lungkot.
Gawa na batong-bato, naisipan kong tumungo sa labas at nagkumpyuter. Tanghaling
tapat na ng ako'y makauwi.
6e-p. Ang dalawa kong pamangkin, kanina pa
tutok ang mata sa Laptop at tila walang kasawa-sawa sa
panonood ng Cartoons. Maigi ng iyon ang maging libangan nila kaysa
maging magulo. Maya-maya at sa antok, nag-siyesta muna ako. Hindi
naman makatulog ng maayos pagkat maalinsangan at ang iingay pa ng mga pamangkin
ko, hindi ko na ipinagpatuloy pa ang pagsisiyesta. Sa Lunes na magsisimula
ang Summer Class at habang may nalalabi pang panahon ay
sinulit ko na ang magbakasyon. Maghapon kong itinutok ang mata sa Cellphone
at di mapigilang humalakhak sa nakakatawang babasahin. Habang humaling sa
pagbabasa ng Jokes, biglang nagsilapitan si Janella at Zyriel.
6e-q. Sila ang nagbigay aliw sa hapong
batong-bato at sa halip na sawayin ang kakulitan, para akong bata kung
makipagharutan sa kanila at ngayon lang napagtanto na sila ang nagbibigay saya
sa nalulumbay kong buhay. Habang tumatagal na kasama sila sa bahay ay
unti-unting napapalapit ang loob ko at tila malapit ko ng ituring na
nakakabatang kapatid. Maya-maya, kasama si Janella ay photo
editing ang naisipang naging libangan at nakakatuwa naman pagmasdan
pagkatapos i-edit. Bonding kaming magtito habang
ginagawa iyon. Kinagabihan at gawa na di pa inaantok, naisipan munang maupo sa
labas at magpahangin. Dis-oras na ng gabi, subalit marami pang kabataan ang
pakalat-kalat sa lansangan, ang ingay tuloy ng kapaligiran. Pagkapasok sa
bahay, Alas-onse na pala at himbing na sa pagtulog ang lahat ng kasamahan ko
maliban sa akin.
April 19, 2015
Sunday
Year III-109
6e-r. Huling araw ng aming bakasyon bilang
kolehiyo at huling araw din ng pamamalagi nina Auntie Virgie sa
aming bahay. Kahit may kakulitan at ngayon lamang nagkakilala ay medyo
napalapit na din ang loob ko kila Janella kung kaya di
maiwasang malungkot habang napipinto na ang kanilang pag-alis. Sa sobrang
pagka-miss, sinulit ko na ang natitirang sandali upang makapiling si Janella at
nagawa ko na ngang isama at ipasyal-pasyal ng utusan ni ama na bumili ng gamot.
Habang di pa sila tuluyang nakakaalis ay ibinigay ko sa kanya ang mga litrato
bilang remembrance maging sulat. Maya-maya pa, kinailangan na
naming magpaalam kila Auntie Virgie at hanggang may masasabi
ay lakas loob ng inilalabas.
Kasabay ng kanilang pag-alis ang paghahari ng katahimikan sa buong bahay
at nakakapanibago.
6e-s. Sa mga oras na iyon ay tuluyan na
akong nilamon ng lungkot sa dibdib. Malungkot ako sapagkat wala na ang mga
pamangkin na nagpapasaya sa akin araw-araw at mami-miss ko sila ng
husto. Sa lungkot, nagmukmok ako sa kwarto at itinulog na lamang. Di pa rin
naibsan ang lumbay pagkagising, naisipan kong magtungo sa bahay ng kaibigang
si Cathy. Sa saya ng aming kakwentuhan, parang bulang napawi ang
lungkot at nakalimot na nga ang isip. Sa pananatili ko sa kanila'y puro
pagkuha at pag-edit lamang ng litrato ang siya naming inatupag at
halos maubusan na nga ang baterya ng Phone sa kakagamit. Hindi
ko na nga ibig pahiramin si Cathy subalit bilang pakikisama'y
pinagbigyan ko na ito. Ilang sandali makalipas, pansamantalang umalis
sila Ate Ging at Kuya Wilson at kaming tatlo
na lamang ang natira.
6e-t. Sa pag-alis nila ang pagsisimula ng
pagmamaktol ni Jaka at halos ikarindi ko ang paghagulhol nito.
Gumawa ako ng paraan, mapatahan lamang ito subalit di naging epektibo at
nananakit pa. Pagkabalik nila Ate Ging ay sunod-sunod na hataw
ng pamalo ang inabot ni Jaka at bukod pa roon ay sinisigawan
pa. Singbagsik pala ng tigre kung magalit si Ate Ging at
nakakatakot ang paraan ng pagdidisiplina niya. Habang pinapalo'y naalala ko
nung bata pa't ganyan na ganyan din kung paluin ng magulang pero gamit ay
sinturon, minsan ay yantok pa nga. Mapalad si Jaka pagkat
hanger lamang ang ginamit na pamalo sa kanya. Nasundan pa ang pangyayari ng
biglang nagkaroon ng alitan si Ate Ging at Kuya Wilson dahil
lamang sa di pagkakaunawaaan.
6e-u. Di na sila nahiya at nag-aaway pa sa
mismong harapan ng bisita. Ibig ko ng umuwi pagkat ang gugulo ng pamilya nila,
subalit di ko itinuloy pagkat ayaw kong isipin nila na sariling kasiyahan lang
ang itinungo sa halip na pakikisama.
Nanatili pa rin ako kahit di ko na nagugustuhan ang sitwasyon sa kanila.
Hindi naman nagtagal ang hidwaan nilang mag-asawa. Maya-maya, naglaro kami
nila Cathy ng Chain Reactions at nakaka-tense kapag
ang 'yong weapon ay unti-unting nauubos. Kahit parating nabibigo,
naging masaya pa rin ang paglalaro namin. Madilim-dilim na sa labas ng
magpasyang umuwi. May pasok na kami kinabukasan, di pa man dinadalaw ng antok
subalit kailangan ng matulog pagkat maaga pa magigising. Sino-sino kaya ang
magiging kamag-aral at Professor ko at sana'y di panghinaan ng
loob na makihalubilo sa kanila.
April 20, 2015
Monday
Year III-110
6e-v. Naninibago lamang ako sapagkat unang
beses pa lamang dumating sa akin bilang buhay estudyante ang pagkakataong
magkaroon ng klase sa mismong panahon ng Summer. Sa halip na ilaan
ang panahon na ito sa pagbabakasyon ay puyat at pagod ang maaring bunuin dahil
sa NSTP. Mga dakong Alas-Singko na ng magpasyang bumangon at
mag-almusal. Habang di pa nakakarating ang yapak sa eskwela, panay ko ng
inihahanda ang sarili sa mga bagong kamag-aral na aking kakaharapin at
makakasalamuha. Hiling ko lang na maging mabuti ang pakikitungo nila sa akin.
Habang lulan ng Jeep, saktong nakasabay ko si Eric.
Makalipas ang anim na buwan ay ngayon lamang kami nagkita. Nag-uumapaw ang tuwa
ko ng ipabatid na magiging kaklase ko ito sa NSTP. Pagdating
sa silid, tila namamalik mata ako pagkat karamihan sa mga kamag-aral ay puro
taga-Dash 1 at di ako makapaniwala. Lalo pa kong nabuhayan at
nagagalak pagkat maging si Anne Rose at Ella ay
naroroon din, wala nga lang si Enzo at Jed pagkat
napunta sa ibang dash.
6e-w. Halo-halo ang mga kaklase ko at
karamihan, nanggaling sa iba't ibang Dash. Nagkaroon lamang ng
kaunting pagkadungo sa dibdib pagkat ako lamang ang bukod tanging
naka-uniporme, gayunpaman ay binalewala ko na lamang iyon. Habang di pa
pumapasok ang magiging professor ay samu't saring boses na ang
nauulinig at ang ingay na. Biglang namayani ang katahimikan ng pumasok angProfessor at
siya si Sir Esguerra. Nagkaroon lamang ng Orientation sa
unang araw ng klase at itinalakay ang tungkol sa NSTP. Sa kanyang
mga sinabi ay mukhang magiging interesting ang Summer
Class subalit puro community service at panggawaing
bahay marahil ang magiging aktibidad.
Maya-maya, nauwi na sa tawanan ang kaninang seryoso’t mahalagangorientation at
nakakaaliw siya maging guro. Bukod pa roon ay mabait pa ito at pwedeng lapitan
kung may kailangan ka sa kanya.
6e-x. Sa halip na Alas-dyis y medya pa
ang dismissal time, malapit pa lamang sumapit ang ikasampo ng
kami'y kanyang pinauwi. Masyado pang maaga kaya naisipan munang mamasyal
subalit mas pinili ko ng umuwi. Malapit ng magtanghaling tapat ng makarating sa
bahay. Tagaktak ng husto ang pawis sa tindi ng nadaramang init at nakakabigay
pa ng sakit sa ulo. Balak ko sanang magtungo muli sa bahay nila Cathy,
subalit ipinagpaliban muna pagkat nakakapaso na ang init sa labas. Matapos
mananghalian, ako'y nag-siyesta. Sa takaw matulog, malapit ng dumilim ng
ako'y magising at dama pa rin ang napakaalinsangang panahon. Sa init, ibig kong
maligo subalit baka dapuan naman ng sakit-sakit kaya di na itinuloy pa ang
balak.
6e-y. Maging sa pagsapit ng gabi'y
nanatiling mainit at nakakagimbal ang mga naitatalang temperatura ng PAGASA pagkat
mala-lagnat. Maalinsangan na nga ang panahon, nagkaroon pa ng Brownout at
nakakairita. Hindi pa ko inaantok kung kaya nagpahangin muna sa labas.
Maya-maya pa, naisipan ko ng mahiga. Sa init, nahirapan akong matulog at panay
ang aming paypay, tapos malamok pa't kung kaya di maiwasang mangamot at halos
magkasugat-sugat na ang balat. Daming hassle talaga na aming
kihakaharap ngayong gabi at mukhang matatagalan pa bago makatulog ng tuluyan.
April 21, 2015
Tuesday
Year III-111
6e-z. Hating-gabi na at dahil sa
nararanasang init, di pa rin ako makatulog. Marami ring mga lamok ang
nagliliparan at nakakairita ang kanilang tunog. Hindi pa rin naibabalik ang
kuryente kaya nanatiling balot sa dilim ang buong komunidad. Mga dakong Ala-una
ng makatulog. Pagkagising, Alas-singko na pala. Mugto pa ang mga mata sa antok
at ibig ko pang matulog, kaso may pasok pa kami at kinailangang labanan ang
antok. Naging pupungas-pungas tuloy ako sa pagkilos. Sina Anne Rose pa
lang ang nadatnan kong nasa silid pagdating sa eskwela. Kanya-kanyang buka lang
ng bibig habang di pa pumapasok si Sir Esguerra. Maya-maya'y
pumasok na ito. Tungkol sa pag-uugali ng mga Pilipino ang
itinuro nito. Bukod sa magaling magturo at mabait, tila nawawala ang takot sa
dibdib ko kapag siya ang professor, kaya ng recitation ay
napapadalas ang pagtaas ko ng kamay. Tinuturuan niya rin kami kung paano
panatilihin ang tiwala sa sarili at alisin ang mga pagdududa.
6f-a. Dati-rati, napakaduwag ko at parating
pinapangunahan ng takot, kaya ang resulta ay nahihiya akong gawin ang isang
bagay na ibig gawin at napanghihinaan ng loob na makipag-usap sa kapwa. Iniisip
ko kasi parati, baka balewalain nila ako at may takot sa dibdib na danasin
iyon. Pero ngayon, susubukan kong baguhin ang sarili at aalisin ang hiya.
Mahirap man gawin pero susubukan ko pagkat may tiwala ako sa sarili. Matapos
magtalakay ni Sir Esguerra, inanunsyo niyang magkakaroon kami
ng Stage play at kami ay nagpangkat-pangkat. Usap-usap kung
ano ang gagawin at kanya-kanyang isip kung anong magiging takbo ng dula-dulaan.
6f-b. Naku naman, di ko akalain na mayStage
play din sa NSTP. Maya-maya, balikan na sa kanya-kanyang
upuan at panibagong lesson muli ang itinuro sa amin ni Sir.
Tama si Sir, maigi ng magpakatotoo ka na ikaw ay isang mangmang, kaysa naman
ipagiitan na ikaw ay magaling kahit di naman dahil katangahan iyon. Di porket
mahina ang kukote'y wala ng mararating at di iyon basehan kundi nasa pagsisikap
iyan. Matalino ka nga, kung tamad naman ay useless din at
hanggang diyan lang ang mararating mo. Ilang sandali pa, uwian na. Tuwa ang
namayani sa dibdib pagkat may kuryente na pagdating sa bahay. Kaarawan rin
ngayon ng aking butihing ama at naghanda kami. Tanging Pizza at
Palabok lamang ang naging handa namin at buong pamilya namin iyon pinagsaluhan.
6f-c. Sa sarap ng Pizza at
dala na rin ng gutom, di ako naging mahinay sa pagkain at sige sa pagbanat
hangga’t may nakikita. Pagsapit ng tanghali, malapugon muli ang init ng panahon
at sana'y umulan na. Mukhang dininig naman ng Maykapal ang kahilingan ko at
pagsapit ng hapon, biglang dumilim ang kalangitan at umihip ang napakalakas na
hangin. Ilang sandali pa'y bumuhos na ang ulan. Halos zero visibility na
ang kapaligiran dahil sa lakas ng ulan at animoy bagyo sa tindi. Ang takot,
muling umiral sa dibdib dahil sa nararanasang pagkulog at pagkidlat. Humupa
naman ang pag-ulan makalipas ang dalawang oras. Kahit paano'y nakatulong iyon
upang maibsan ang nararanasang init. Balak sanang maglakwatsa, kaso'y di ko
itinuloy dahil sa sungit ng panahon.
Pagsapit ng gabi, panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Pangalawang
araw pa lamang namamayagpag sa Telebisyon ang palabas na Nathaniel
subalit kinagigiliwan ko ng panoorin. Isa pa'y napakarami kang aral na
maaring mapulot sa palabas at pinapagtibay nito ang pananalig natin sa Diyos.
Bukas na ang aming play at ngayon pa lang, kumukurot na ang
kaba sa dibdib at Goodluck na lang sa akin. Basta naririyan
si God at umaasang tutulungan, makakaya ko kahit gaano pa iyan
kahirap.
April 22, 2015
Wednesday
Year III-112
6f-d. Ilang minuto na lamang bago sumikat
ang bukangliwayway ng ako'y magising. Ang kabang kagabi pa nadarama, lalo pang
umiigting habang napipinto na ang aming pagsasadula. Pilit kong nilalakasan ang
loob subalit tila tinta ang kaba na di mabura-bura at bahala na sa akin
si God. Sa luwag ng kalsada at sa bilis ng biyahe, mabilis akong
nakarating sa School. Manakanaka pa lamang ang pagdating ng mga
estudyante. Dahil sa nararamdamang kaba, tila ayaw ko pang pumasok. Maya-maya'y
nakatagpo ko na sila Anne Rose, habang wala pang guro, kami ay
nag-ensayo at di biro ang umakting sapagkat nasa tama dapat ang intonasyon ng
pagsasalita. Isa pa, wala kaming Script at lahat ay puro Adlib.
Sumidhi pa lalo ang aming kaba sa pagpasok ni Sir Esguerra. Mabuti
na lamang, binigyan pa niya kami ng panahon upang makapaghanda.
6f-e. Ilang sandali makalipas, nagsimula na
ang dula-dulaan. Paspasan na ako sa pagkakabisado ng sasabihin habang di pa
kami ang nakasalang at dama ko na ang matinding pressure. Nang kami
na ang magsasadula, pinilit kong magpakatatag at ipinamalas na ang lahat ng
makakaya. Sige sa halakhakan ang mga kamag-aral ko habang ako’y umaakting at
pakiwari ko, ako na marahil ang magiging mitsa kung bakit di magiging maganda
ang performance namin. Nawala nga ang kaba sa dibdib
matapos ang aming play, pumalit naman ang pagkadismaya't
pinangunahan kasi ng hiya kaya di ko nasabi ng maayos ang dapat sabihin at
nauutal pa. Mga dakong ikasiyam na ng matapos ang play at
nakapagturo pa si Sir.
6f-f. Matapos niyang magturo, nagkaroon
kami ng Games. Labis akong nalibang sa palaro at muntikan ng
magkasakitan habang nag-uunahang mapabilang sa bilang na itinakda ni Sir. Hindi
ako pinalad at kaagad natanggal pero nanatili pa rin ang saya. Ang pagkadismaya,
tila nakaligtaan na ng dibdib dahil sa nakakaaliw na palaro. Sa bills ng oras,
di namalayang Alas-dyis y medya na at kailangan ng umuwi. Hindi na ko
nagpatumpik-tumpik pa sa pag-uwi sapagkat maglalaba pa ko ng susuuting T-shirt at
nangangambang di makapagpatuyo, sa oras na muling bumuhos ang ulan. Habang
naglalakad ay para akong nilalagnat sa tindi ng init at halos ikatupok ko na.
Sa tindi ng init, marahil ay naghahakot na ito ng ulan at ibubuhos muli mamaya.
Sa takot maabutan ng ulan, daglian akong naglaba pagdating sa bahay at
pagkatapos kumain. Habang abala sa pagkukusot ay laking gulat na lamang ng
biglang pumasok si Kaka kasama pa ang dalawang bata. Inutusan
pala sila ni Mama mag-impake ng uling. Sila ang naging libangan ko
habang naglalaba at tamang pagkakataon na rin upang kamustahin sila.
6f-g. Matapos maglaba at gawa na ako'y
naaalinsanganan, naisipan ng maligo. Hindi naman natuloy ang pingangambahan ko
at naging maaliwalas sa maghapon. Wala akong ibang ginawa sa buong maghapon
kundi magkulwit ng Gadget at di ko magawang awatin ang
sarili. Pagsapit ng gabi, panonood naman ng telebisyon ang siyang
inatupag. Habang nanonood ng Nathaniel, grabe ang sinasalamin nito
sa mga tao sa panahon ngayon sapagkat puro pagyaman lang ang laman ng isip at
di marunong makuntento sa bagay na mayroon sila. Hindi naman marahil masama ang
mithiing yumaman, basta huwag natin kakalimutang tumawag sa langit at magmahal
ng kapwa. Sabihin natin, may pag-asenso sa taong masikap pero kundi sasamahan
ng pananalig at mapagmataas pa, darating ang panahon bubulusok ka paibaba.
Matutong makuntento sa bagay na mayroon tayo. Hindi pa ko dinadalaw ng antok,
naisipan ko munang magbasa. Ilang saglit pa, nagpasya na akong matulog.
April 23, 2015
Thursday
Year III-113
6f-h. Ikaapat na araw ng aming NSTP summer
class at kailangan ko ng gumising ng maaga. Pagdating sa Eskwela,
laking gulat at hinayang ko ng ipabatid ni Patricia na may
takdang-aralin pala at kainis pagkat nakalimutan ko. Habang wala pa si Sir
Esguerra, dali-dali kong sinagutan at labis ang aking pagmamadali. Sabay
tago pagpasok ni Sir at kami'y nagdasal. Tungkol sa Selftalk ang
itinuro niya at napakarami niyang kwento tungkol sa naging karanasan ng kanyang
mga anak. Nakakaiingit naman dahil sa kabila na mahina ang tuktok at suffer sa
kanya ang mag-aral ng mabuti, naging matagumpay pa rin siya sa huli at nakaka-inspire.
May ilang bagay pang naikwento si Sir Esguerra bukod pa roon.
6f-i. Matapos niya magturo, binigyan niya
kami ng oras upang mag-break. Dala na kanina pa kumakalam ang sikmura'y
mas mabilis pa sa Alas-kwatro ang pagbili ng pagkain. Sa dami, di ko kaagad
naubos. Palihim akong kumukutkot habang nagtuturo si Sir. Maya-maya,
nagkaroon muli ng palaro at iyon ay paunahang makasagot sa pisara sa bawat tanong
ni Sir. Sa tindi ng kabang namamayani sa dibdib ay di makapag-isip ng sagot at
ang tatalas pa ng isip ng aming katunggali. Sa una, mukhang talo na kami
subalit di pa rin pinanghinaan ng loob. Nakabawi naman kami kinalaunan hanggang
sa kami na ang hirangang panalo. Maliban sa nag-enjoy kami'y
nag-uumapaw din ang saya sa dibdib. Matapos ang palaro, may ilang joke na
naibahagi sa amin si Sir. Dahil may pagka-slow at loading pa,
di ako natawa pagkat masyadong lohikal at ngumanganga na lamang kapag nalaman
ang kahulugan.
6f-j. Ilang sandali pa, uwian na at sana'y
parating NSTP na lang pagkat bukod sa nakakaaliw, marami ka
pang matutuhan kay Sir Esguerra at makikilala. Anong init muli ng
panahon pagdating sa bahay. Gawa na tinamaan muli ng pagkabato, naisipan kong
mag-rekord ng Dubsmash. Madaling gayahin ang bawat linya pero hirap
sabayan ang Voice Clip at napakaraming mintis kaya di agad
mai-upload ang Video. Napapalakas ang halakhak ko kapag
pinapanood ang ginawang Dubsmash Video at ano ba
'yan, wala sa timing.
Pagsapit ng hapon at dahil sa may nabibidyookeng kapit-bahay, naging
napakaingay ng aming kapaligiran. Nakakarindi na nga ang Videooke,
sinabayan pa ng mga tambay at parang nasa bundok kung mag-usap, ang lalakas
pang mamintas sa mga dumaraan, di naman pinagpala ang hitsura. Hindi ko na
makaya pa ang sitwasyon, umalis muna ako.
6f-k. Balak sana muling tumungo sa bahay
nila Cathy, kaso biglang nagbago ang isip ko. Nakipagkwentuhan na
lamang kay Ate Angelyn. Ng mapansing bahagyang tumatahimik na, saka
lamang nagpasyang umuwi. Namayani muli ang ingay pagsapit ng gabi at sa ingay,
di na halos marinig ang pinapanood. Wala naman kaming karapatang pigilan sila
dahil may nagdidiwang ng kaarawan at tiniis na lamang ang ingay. Hinihiling ko,
sana sumapit na ang Alas-dyis ng sa gano'y magkaroon kami ng karapatan at
tumahimik na ang kapaligiran. Bukod sa maingay ay nagkakagulo pa. Sumilip ako,
iyon pala'y naghaharutan lang at panay pa ang sigawan. Sumapit na ang
Alas-dyis, nanatili pa ring maingay, nahirapan na tuloy ako sa pagtulog.
April 24, 2015
Friday
Year III-114
6f-l. Sa tindi ng namamayaning antok, di ko
magawang idilat ng maigi ang mata. Natutuwa ako sapagkat Biyernes na at di na
maaga pang magigising bukas. Sa susunod na Linggo pa ang pinakaaabangang
pagtutuos ni Pacquiao at May Weather subalit
karamihan sa amin ay iyon na ang laman ng usapan at kita ko sa kanila ang
pananabik. Nag-uumapaw na ligaya marahil ang matatamo ng masang Pilipino at
magaganap ang malaking pagbubunyi kapag napataob ni Pacquiao ang
pinakamalakas at magaling na Boksingero sa buong mundo. Sa lakas ng kanyang
kalaban, mukhang mahihirapan siyang magtagumpay subalit walang malakas o
magaling sa taong may pananalig sa Diyos at kaya niya iyan. Eksakto ilang
minuto na lamang bago magsimula ang klase ng makarating ako sa Eskwela. Wala pa
si Sir kaya may pagmamadaling ginawa ang Assignment. Maya-maya,
dumating na si Sir at nagturo. Tungkol sa Moral, Amoral and Immoral ang
kanyang itinuro.
6f-m. Masarap makinig kapag nagtuturo o nagkukwento
si Sir subalit may ilang bahagi lamang sa kanyang tinalakay ang di magawang
pakinggan at napapayuko pagkat natatamaan ako. Tungkol ba naman sa Same Sex
Marriage at Sex Change ang topic at panay
ang kanilang bulyaw sa akin kapag nababangit ang tungkol sa Third sex.
Hindi lang naman ako ang binabae pero di ko batid kung bakit sa akin sila
tumitingin na halos ikatunaw ko na, hindi na lang inintindi pa. Bakit ako magi-guilty kung
di ko naman iyon ginagawa. Maya-maya at bago magsimula ang palaro'y isa-isang
ibinigay ni Sir kung anong lesson ang iuulat namin at
napakarami. Saktong naging pangalawa ang grupo namin sa mag-uulat kaya pwede
pang mag-hayahay, Edi wow! Matapos ang announcement,
nagsimula na ang palaro at iyon ay 7 up.
6f-n. Sa game na ito,
kailangan alerto ka dahil maari kang mataya kapag nagkamali at kapag tatlong
beses ka ng mataya, may Consequences at iyon ay isusulat mo
ang iyong pangalan ng buo sa pamamagitan ng pagkembot. Medyo minalas lamang ako
pagkat ako ang kauna-unahang nakatanggap ng Consequences. Labag man sa
kalooban, kinailangan kong kumembot at tawang-tawa ako sa sarili dahil parang
kiti-kiti sa pagkembot, ang halay ko tuloy. Bukod sa akin, may ilan ring
kamag-aral ang nakatanggap ng Consequences at di mapigilan ang
bibig sa pagtawa habang mahalay silang kumekembot. Sa saya, gusto pa sana
naming maglaro kaso kapos na sa oras at uwian na.
6f-o. Pagdaan sa may Regalado,
biglang bumagal ang daloy ng trapiko, iyon pala'y may naganap na aksidente at
kita ko ang motor na nakahambalang sa kalsada
subalit wala na itong lulan at marahil ay naipadala na sa pagamutan. Sa sobrang
trapik, malapit ng magtanghaling tapat ng makarating sa bahay. Medyo kumakalam
na ang sikmura ko kaya diretso kain.
Pagsapit ng gabi at gawa na di pa inaantok, iginugol ko muna ang sarili
sa paggamit ng Cellphone. Habang tutok ang mata sa Social
Media, nakakabinging sigawan ang biglang umalingawngaw sa teynga.
Pagkadungaw ay tila dinaig pa ang nagsasabong kung mag-away at palitan sila ng
malulutong na mura. Alas-dyis na at ang paligid na dapat sana ay payapa,
maingay pa rin dahil sa mga nakikiusyoso't paninita ng Barangay tanod. Sa talas
ng pananalita'y tila walang pinag-aralan at sinasanto ang mga nag-uumpugan.
Tila di na magandang manirahan sa lugar namin pagkat bukod sa maingay na nga,
di nalalayo ang araw na may nangyayaring sigalot. Mga dakong Alas-dose na ng
maisipan kong matulog.
April 25, 2015
Saturday
Year III-115
6f-p. Sumapit na ang hating-gabi, hindi pa
rin ako makatulog dahil may mga kabataan pa ring nakatambay at patuloy na
naghahasik ng kaingayan. Tila wala silang konsiderasyon sa mga natutulog na
kung mag-ingay at gusto parati ay sila ang masaya. Labis ko ng ikinayamot ang
kanilang ingay at sa yamot, darating na sa puntong gusto ko ng sigawan, kaso
nagising din ang ate at siya na ang sumaway sa kanila sa halip na ako. Kahit
pinagsabihan na'y wala silang pakialam at nagpatuloy pa rin sa pag-iingay.
Hirap akong makatulog dahil sa kanila at nagtiyaga na lamang. Tirik na ang
haring araw sa labas nang ako'y magising, pagkatingin sa orasan, Alas-otso na
pala. Gawaing bahay agad ang inatupag ko. Matagal-tagal na rin di nalilinisan
kung kaya marami akong nalikom na alikabok sa pagwawalis. Pagtitinda ang sunod
kong pinagkaabalahan ng matapos sa gawaing bahay. Bahagyang makulimlim kaya
naisipan kong lumabas at magkumpyuter. Naku at patay pagkat inabutan na ng
tanghaling tapat at makasunog balat na ang init ng panahon. Parang sinisilaban
ako habang naglalakad sa ilalim ng sinag ng araw.
6f-q. Pagdating ng bahay, tagaktak ng husto
ang pawis ko't gawa na nakakaasiwa na ang amoy, kaagad ng naligo. Kahit sa
Martes pa ang aming pag-uulat at sa takot na baka mautal, dibdiban kong pinag-aralan
kung anuman ang iuulat, di naman makapag-aral ng maayos dahil sa namamayagpag
na ingay sa kapiligiran. Lalo pang umigting ang ingay ng magbidyooke sila Ate.
Pilit kong nilabanan ang tukso kaso di magawa't wiling-wili ng kumanta,
itinigil ko muna ang pag-aaral at nakikanta. Parati pa ring kinakapos ng hangin
kapag umaawit at minsan ay napapapiyok pa, idinaan ko na lang mahinahong
pagkanta kahit may kataasan na ang Melody. Matapos namin
kumanta at ng mapansing lumililim na ang init, naisipan kong magtungo sa bahay
nina Cathy.
6f-r. Sina Jaka at Janna lamang
ang nadatnan ko samantalang nagsi-siyesta sina Ate
Ging subalit wala si Cathy ng datnan ko. Ipinabatid sa akin
ni Jaka na nasa Church daw ito. Di na ako
nagtagal pa sa kanila at agad ng umalis. Sa bahay naman nila Regine ko
sunod na tumungo't saktong naroroon si Annie. Sa ilang buwang di
namin pagkikita'y kamustahan kaming dalawa. Maya-maya, tumungo kami ni Annie sa
bidyookehan. Sa hiya, hindi ko sana ibig ang kumanta, kaso mapilit si Annie at
bilang pakikisama'y pinagbigyan ko siya kahit labag man sa kalooban. Habang
kumakanta ang biglang pagdating ni Angelica, nagpapasama pala ito
sa akin. Ilang ulit kaming nagpabalik-balik at nakaramdam ako ng
pagkahapo.
6f-s. Madilim-dilim na kung kaya kinailangan
ko ng magpaalam sa kanila. Pagdating sa bahay at dahil ipinabatid ni Mama na
bumili ng ulam ang ate, di muna ako kumain. Umiigting na ang gutom sa tiyan
habang tumatagal at gawa na di ko na matiis, dumelehensya na ng ulam. Kung
kailan kumakain na ang saka naman pagdating ng ate. Piniritong manok ang dala
nito subalit sa busog, di na ako kumain pa. Medyo naimbyerna lamang ako sa
kanya, paano kung makapagsalita'y akala siya ang magaling at ang sakit pa
magsalita. Sa inis, darating na sa puntong gusto ko siyang sagutin at tapatan
ang mga sinabi, kaso batid kong di naman siya patatalo at lalaki lamang ang
gulo, pinalagpas ko na lamang. Mag-aaksaya lang ng panahon kung
makikipagtalasan sa kanya. Siya na ang magaling at magalang na anak. Nahirapan
akong matulog dahil sa sama ng loob.
April 26, 2015
Sunday
Year III-116
6f-t. Naging mahimbing muli ang aking
pagtulog kaya sumapit na ang Alas-Otso ng ako'y magising. Ang umaga,
napakaaliwalas at napakakulay subalit tila nagbago ang lahat ng masilayan ang Ate't
sumagi bigla sa isipan ang sinambit sa akin kagabi. Kahit naiinis sa kanya,
pinakibagayan ko pa rin ito kaso muntikan ng mawalan ng pasensiya ng utusan
niya ko't kung makasigaw, akala siya ang amo ko at perpekto. Aboridong-aborido
ako ng umagang iyon at sa inis, ibig ko ng magwala at nabubwisit talaga sa
kanya. Ayaw ko ng gulo kung kaya pinigilan na lamang ang nararamdaman. Matapos
kumain, ako'y nagbantay sa tindahan. Lalo pang nadagdagan ang inis sa dibdib ng
biglang sermunan ni ina. Sa kanyang mga sinasabi, pakiramdam ko'y wala ng
ginawang tama at halos lamunin ako ng pagkadismaya.
6f-u. Ang hirap magpigil
kung ito'y punong puno na at parang sasabog na subalit di ko magawang ilabas.
Sa halip na ipakita sa kanila'y idinaan na lamang sa paggamit ng Social
Media ang sama ng loob at doon ibinuhos. Bakit ganoon, parati ko na
lang di makasundo si ina. Bukod sa inis ay naghari rin ang selos sa dibdib ng
makitang nag-uusap si Mama at Ate. Batid kong di dapat ito maramdaman kaso di
ko mapigilan, nilawakan na lamang ang isip at inunawa sila. Hindi sapat na
ilabas lang sa Social Media upang maibsan ang hinanakit sa
dibdib at nangailangan ako ng taong makakausap at handang makinig. Magtutungo
sana sa bahay ng kaibigan, kaso di ko itinuloy at baka mapagalitan muli ni ina.
6f-v. Maya-maya'y umalis si Mama kaya lalo
pang di makalayas pagkat walang maasahan sa pagtitinda. Pagbalik ni ina, saka
pa lamang binalak lumayas kaso init ng panahon naman ang pumigil. Habang
nagtitinda'y pagbabasa ng libro ang inatupag ko, hirap makapag-concentrate kung
puno ng galit ang dibdib. Maya-maya'y naisipan kong maglaba. Matapos maglaba'y
paghuhugas naman ng plato ang inatupag ko. Lahat-lahat na ay sinubukan ko na,
mabago lang ang tingin sa akin ni ina at malay ko lang kung may masabi pa siya.
Dakong hapon na ng magkaroon ng pagkakataong lumabas at sa bahay nila Angelica
naisipang magtungo. Sa saya nito kausap ay siya ang nagbigay sigla sa akin
at kahit paano'y gumaan ang kalooban ko.
6f-w. Sumunod ay sa bahay nina Regine naman
ako tumungo, tuwa ang namayani sa dibdib nang magkita muli ni Annie.
Saka lamang nagkaroon ng pagkakataon upang magkausap at napakarami niyang
naikwento sa akin. Sa dami ng sinabi na tila di nauubusan, tumagal pa ko sa
kanila hanggang sa magdilim. Anong kaba ang siyang umiiral habang pumipihit ang
yapak patungong bahay at pinaghahandaan na ang mapupusok na salita mula kay
ina. Hindi naman nangyari ang ikinakatakot ko at kaagad ng naghapunan. Bago ako
matulog, naisipan ko munang magbasa-basa’t nakakalibang kahit paano pagkat
marami kang matutuhan.
April 27, 2015
Monday
Year III-117
6f-x. Sadyang napakaikli ng panahon upang
magpahinga't may pasok muli, kaakibat nito ang maraming gawaing kakaharapin.
Medyo tinatamad pang bumangon dala ng antok subalit hindi maaaring lumiban sa
klase, kung kaya buong tapang na nilabanan kung anuman ang bumabalakid.
Naghahari muli ang kasiglahan sa aking dibdib na siyang nagbibigay gana upang
pumasok at sana'y manatiling ganito hanggang sa magtapos ang araw na ito.
Habang wala pang guro'y nag-usap-usap muna kami ni Anne Rose tungkol
sa iuulat. Nagkaroon lamang nang kaunting inis sa dibdib sapagkat kagustuhan
nila parati ang masusunod, hinayaan ko na lamang kaysa naman magkagulo at mauwi
sa pagkakawatakwatak. Bukas pa ang aming pag-uulat subalit dama ko na ang kaba
sa dibdib at lalo itong umiigting habang lumilipas ang mga sandali. Ilang
minuto makalipas, pumasok na si Sir Esguerra at kami'y
nagdasal. Matapos ang pagdarasal ay ang pagsisimula ng pag-uulat.
6f-y. Grupo nina Jhanina ang
nag-ulat at hindi maitago ang kaba sa kani-kanilang mga mukha. Sa kaba, ang ilan
sa kanila'y nawawala na sa sinasabi't tila elesing paikot-ikot lamang. Sana di
maging ganoon ang pag-uulat namin bukas. Binigyan kami ni Sir ng kaunting
panahon upang mag-snack at doon sinamantala ang oras upang
pag-aralan ang iuulat. Hindi naman makapag-aral ng maayos dahil sa naghaharing
ingay sa silid at ang hirap itatak sa isipan ang binabasa. Maya-maya pa'y
natapos na ang Breaktime at nagsimula ng magturo ang aming
guro. Tungkol sa Illuminati songs ang itinuro
ni Sir Esguerra at di ko maiwasang kilabutan sa mga sinasabi
nito pagkat halos lahat ng mga kantang kinahuhumalingan nating pakinggan, may
natatago palang mensahe tungkol kay Satanas kapag binaligtad.
6f-z. Hindi nating namamalayan, sinasamba
na pala si Satanas habang pinapakinggan ang musika. Hirap
paniwalaan pero nakakakilabot. Bago umuwi'y nagtungo muna kaming magkakagrupo
sa Library upang pag-usapan ang iuulat. Sumama pa ko sa kanila at
wala naman kami napala. Sila pa ang may ganang maghimutok kapag di ko tinupad
ang kagustuhan at nakakayamot. Sa yamot, di ko na nagawa pang sumabay sa
kanila't nagdidilim na ang paningin ko ng mga oras na iyon. Anong klase silang
mga kaibigan at napakaramot nila sa akin. Kung makaasta, akala'y sila lang ang
may karapatan at dapat sundin.
Pakiramdam ko tuloy, kinakayan-kayanan lang nila at mas maigi pang
tapusin ko na ang pakikisalamuha sa kanila kung ganyan lamang nila ako
pakitunguhan, kaso ayaw kong magpadala sa galit at baka pagsisihan. Ang tunay
na kaibigan, nagbibigayan, di nagdadamot.
6g-a. Bago umuwi, bumili muna ako ng mga
materyales na gagamitin sa Visual Aid. Sa tindi ng init ay
pakiwaring sinisilaban ako habang naglalakad. Pagdating sa bahay, Paggawa agad
ngVisual Aid ang inatupag ko at malapit ng dumilim ng matapos ko
ito. Nakakalungkot isipin sapagkat bukas na kakaharapin ng ating kababayan na
si Mary Jane Veloso ang Execution sa Indonesia at
kaawa-awa siya sapagkat nabiktima lamang ng Drug Trafficking at
dapat ay babaan ang kanyang sintensya. Kahit maliit na lamang ang pag-asang maisalba
ang kayang buhay mula sa Firing squad ay umaasa pa rin na
maititigil ang pagbitay at sana'y magkaroon ng himala. Sa takot na matameme sa
pag-uulat bukas ay nag-aral muna ako bago matulog. Goodluck to me
tomorrow.
April 28, 2015
Tuesday
Year III-118
6g-b. Hindi pa nakakatungtong ang paa sa
eskwelahan at pagkagising pa lamang ay ramdam ko na agad ang matinding kaba. Sa
sidhi ng kaba'y tila tinatamad akong pumasok. Idagdag pa ang sama ng loob na
naranasan ko sa mga kagrupo kahapon. Sana may natitira pang pasensiya sa aking
kalooban. Pagdating sa Unibersidad at ng sila'y masilayan ay todo pagtitimpi
ang ginawa ko at tiniis na lamang na makisalamuha sa kanila alang-alang sa
aming pag-uulat. Habang di pa pumapasok si Sir Esguerra ay
dibdiban naming nirepaso ang iuulat at labis na akong kinakabahan. Ilang saglit
makalipas ay pumasok na si Sir Esguerra at nagsimula na ang
aming pag-uulat. Kahit namumutawi ang kaba'y lakas loob kong hinarap ang lahat
ng kamag-aral at nag-ulat. Sa kaba, nahihirapan akong magpaliwanag at madalas
ay parang lobo ang aking sinasambit na kung saan-saan tumutungo. Nanluwag ako
matapos ang pag-uulat at maya-maya, umakyat na kami sa ikalimang palapag upang
manood ngFilm showing.
6g-c. Tungkol sa pananakop ni Satanas sa
bawat puso ng sangkatauhan at backmasking ang laman ng Film.
Mas masidhi pa ang takot ang nadarama kumpara kahapon habang nanonood at grabe
ang mga sa tao sa panahon ngayon, bakit nagagawa na nila iyon sa ating
panginoon? At marami ng nalilinlang si Satanas. Kahit lubhang
malakas at makapangyarihan si Satanas, hindi pa rin niya tayo
kayang sakupin dahil naririyan ang ating panginoon andnobody will
surpass the power of God, even Satan. Hindi namin mapigilang
maiyak ng mapanood sa video kung paano pinahirapan at inalipusta
si Jesus ng mga Israelita at grabe ang kanyang
sakripisyo, maisalba lamang tayo mula sa kasalanan. Makakaramdam ka talaga ng
habag kung naniniwala ka tungkol sa sinapit ng ating panginoon.
6g-d. Malapit ng sumapit ang Alas-onse ng
matapos ang Film at uwian na. Pagdating sa bahay at sa tindi
ng init sa labas na malapugon sa pakiramdam ay halos maubusan na ng tubig sa
dami ng inilabas na pawis at parang tatamaan marahil ng heat stroke.
Agad kong ipinagpahinga ang sarili matapos mananghalian. Kinahapunan naman,
panonood ng Video ang inatupag ko. Habang tutok ang mata sa
panonood ay biglang inutusan ako ni ina na maghugas ng plato't Wrong
timing naman siya. Nakiusap ako kung pwede mamaya na lang, kaso'y
masyado siyang mainipin. Kahit labag pa sa aking kalooban ang kanyang
ipinag-uutos ay itinigil muna ang panonood at naghugas ng plato. Sa di
inaasahan, nasundan pa ng panibagong hidwaan pagsapit ng gabi. Hindi ko na ibig
pang sumagot pagkat mali iyon subalit di ko matanggap ang mga sinasabi nila laban
sa akin at di ko maiwasang magdamdam.
6g-e. Ipinagtanggol ko lang naman ang
sarili at nagpapakatotoo subalit ako pa ang lumalabas na masama. Pakiramdam ko,
wala na akong kakampe sa Mundo at sa bawat kinikilos ko'y puro kamalian sa
paningin nila, wala na silang makitang maganda sa akin. Lahat na lamang ay
parating isinisisi sa akin at labis iyon ikinadurog ng damdamin. Pinipilit kong
maging mabuting anak o kapatid at magbago, kaso nahihirapan ako kung parati
kong nararanasan ang galit at sakit na sila ang may likha! Batid sa sarili na
mapapasama lamang at wala ng magagawa pa kung kaya di na umimik pa at hinayaan
sila. Inaamin kong bastos ako at walang modo, pero may pakiramdam din ako at
nasasaktan pagkat tao din ako. Di naman ako magiging ganoon kundi dahil sa
ipinapakita at sinasabi nila. Sa sobrang bigat ng aking kalooban ay gusto kong
sumigaw at magwala, gusto kong ilabas sa pamamagitan niyon kaso takot ang
pumigil sa naisin at idinaan na lang sa iyak. Sana pagdating ng panibagong
araw, mapawi ang lahat ng ito at maging maayos ang lahat. Kahit mahirap,
kakayanin kong matiyaga.
April 29, 2015
Wednesday
Year III-119
6g-f. Di pa rin limot ng isipan ang mga
sinabi nila kagabi at nade-depressed ako sa tuwing sasagi iyon sa
isipan. Parang nahihirapan akong ibangon ang sarili sa bigat ng kalooban at
gusto pang matulog, kaso maaga na at kahit labag man sa kalooban ay kailangan
kong bumangon alang-alang sa kinabukasang kay ganda at bagay na matutuhan.
Bahagyang nabawasan ang bigat sa kalooban ng mag-usap kami ni Mama. Habang
tumatagal ay napapalitan ng sigla ang kaninang nanlulupaypay na dibdib at
unti-unti akong nabubuhayan. Masaya ako sapagkat maayos na kami ni Mama at
kahit matatalas ang kanyang mga sinasabi na tipong tagus-tagusan ay may
natitira pa ring pagmamahal sa kanyang puso. Malapit ng mag-ikawalo ng
makarating sa eskwela subalit wala pa si Sir Esguerra.
6g-g. Maya-maya pa'y dumating na ito at
nagkaroon muli ng pangkatang pag-uulat. Pangkat nina Mica ang
nag-uulat at mangha kami sa gawa nilang
Visual Aid pagkat bukod sa maganda'y presintable sa paningin,
may pa-raffle pa sila kung sinuman ang makasagot, Edi Wow! Sa dami ng kanilang
sinabi'y ni hindi na nga makapag-discuss si Sir pagkat kinapos na
sa oras. Pansamantalang natigil ang pag-uulat ng may inanunsyo si Sir. Lundagan
sa tuwa ang mga kamag-aral kong malalantod ng ipabatid na nasa Campus daw
si James Reid subalit tila di ako nasisiyahan sa aking
nalaman, pagkat iniisip ko na marami pa namang pagkakataon na masilayan ko siya
at isa pa, ayaw kong makipagsiksikan sa dami ng Estudyante. Matapos ang klase
ay diretso agad sa Quadrangle ang karamihan sa kamag-aral ko
at kita ko sa mukha nila ang pagkasabik na makita ang kinababaliwang si James
Reid. Hindi ko pa ibig umuwi pagkat maaga pa naman at naisipang magtungo sa
bahay nila Annie doon sa Tandang Sora.
6g-h. Pagdating sa Village kung
saan sila nakatira at dahil medyo may kalakihan ang lugar ay pahirapan sa akin
na matunton ang bahay nila, nagtanong-tanong pa ako. Sa tiyaga, kinalaunan ay natunton ko
rin ang bahay nila. Malawak at komportableng tirhan subalit wala doon si Annie at Gelyn at
tanging sila Ate Ajhing lamang ang naroroon. Hindi na ko
nagtagal pa at kaagad ng umuwi. Nagsayang lamang ng pamasahe at nagpunta sa
wala. Mga dakong Alas-dos na ng makarating ako sa bahay at kaagad natulog.
Matapos ay naisipan kong magtungo kila Regine. Saktong nasa kanila
pala si Gelyn subalit di ko nadatnan si Annie.
Maya-maya pa'y sa bahay naman nila Cathy ako nagtungo. Tamang
kwentuhan lamang kaming dalawa at ramdam ko ang saya. Kawawa lamang ang Cathy ng
pagalitan ni Ate Ging dahil sa kapalpakan nito at nakakadurog
ng puso ang mga salitang binitiwan ni Ate Ging sa kanya.
6g-i. Grabe at kung makapagsalita'y parang
di niya anak at mas matindi pa ang napakinggan ko mula sa bibig ni Ate
Ging kumpara sa nanay ko. Hanga din ako sa kanya pagkat kahit
masasakit na ang naririnig ay di pa rin nagawang sumagot at parang wala lang sa
kanya ang lahat. Sa galit ni Ate Ging, di na ito nakapagluto pa ng
hapunan at natulog. Kung anak ko lang si Cathy, di ko iyon
sasabihin sa kanya pagkat parang sinasaksak mo ang puso niya kapag ginagawa
iyon at malalayo ang loob niya sayo. Nirerespeto ko na lamang ang paraan ng
pagdidisiplina ni Ate Ging sa kanya't marahil ay iyon lamang
ang alam niyang paraan. Kumagat na ang gabi kaya nagpasya na kong umuwi.
Lumubog na ang haring araw at lumagom na ang dilim subalit nanatili pa ring
maalinsangan ang panahon, hindi tuloy kami makatulog at sige sa pagpaypay kahit
bukas na bentilador.
April 30, 2015
Thursday
Year III-120
6g-j. Huling araw para sa buwang ito. Tila
di ko ibig ang pumasok pagkat tinatamad subalit masasayang lamang ang araw na
ito na wala akong matutuhan, pinilit ko ang sarili na pumasok. Habang patungo
ang yapak sa silid, ano ba ito at kung sino pa ang taong ayaw makita'y
nakasalubong ko pa, nakipagbatian at ngitian pa rin sa kanila sa kabila na
ako'y nayayamot na. Dalawang Linggo ko pa sila makakasama kung kaya kailangan
kong magtiis. Wala pang guro pagpasok sa silid at samu't saring bibig ang
sumalubong sa akin. Maya-maya pa'y dumating na si Sir Esguerra at
nagsimula na ang pag-uulat. Pangkat nila Aroma ang mag-uulat
at tila sunod sa yapak ng pangkat nina Mica (Principe) pagkat dami
rin nilang alam na pasabog sa amin.
Sa halip na mabato sa pakikinig ay nakakaaliw at naging makuwela ang
kanilang pag-uulat.
6g-k. Inggit ang namayani sa dibdib pagkat
di namin nagawa kung anuman ang nagagawa nila, palibhasa'y walang pagkakaisa't
iniisip parati ang kung magkano ang ilalabas na pera, ikanga'y matipid ang mga
kagrupo ko, sana'y di kami tipirin sa grade. Habang nag-uulat ay
biglang naningil ang isa kong kamag-aral para sa hand-out, di ako
nakapaghanda ng ganong kalaking halaga at di abot kaya ng dala kong pera,
nakiusap ako kay Sir Esguerra na kung pwede'y maghulog muna.
Habang nakikiusap ay di ko akalain na pauutangin niya ko, sa hiya'y todo tanggi
ako subalit grasya din iyan kaya tinanggap ko na. Swerte naman namin pagkat nagkaroon ng mabait na Professor at
mapagkumbaba pa.
6g-l. Matapos nina Aroma sa
pag-uulat, itinuro sa amin ni Sir ang tungkol sa pagtatatak ng 666 at
nakakagulat isipin na karamihan sa mga artista o mga iniidolo nati'y
natatakan na ng ganun at hirap paniwalaan. Interesadong-interesado ako sa
itinituro ni Sir at ibig pa man namin makinig subalit kinapos na sa oras at
kailangan ng umalis. Sa halip kina Anne Rose sumabay ay sa
dati kong kamag-aral na sila Princess nakisama. Hindi ko batid sa
sarili kung bakit napunta sa ganito ang pakikipagkaibigan namin, basta di ko pa
rin mapigilang mabuwisit sa tuwing nasisilayan sila. Maiging huwag munang
makihalubilo sa kanila at pahupain muna ang nararamdaman sa dibdib. Gawa na
kanina pa kumakalam ang sikmura'y diretso lamon ako pagdating sa bahay.
6g-m. Pagsapit ng hapon ay dinig ko ang
pagkalugkog mula sa kalawakan at sa halip na takot ay tuwa ang nadarama pagkat
uulan na, matutuldukan na rin ang pagtitiis namin sa init subalit puro pagkulog
lamang ang naganap at di matuloy-tuloy ang ulan. Sa alinsangan ng panahon,
kahit di ka magkikilos-kilos ay pagpapawisan ka pa rin. Kinagabihan,
panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Kahit di kadugo'y natutuwa pa rin ako
dahil naipagpaliban ang pagbitay kay Mary Jane at sana'y
mapawalang sala na siya. Nakakalungkot naman isipin na hahatulang mamatay ang
taong wala namang kasalanan sa batas at biktima lamang ng Drug
Trafficking. Kung sino pa talaga ang inosente, napaparusahan samantalang
nakakaligtas ang mga salarin at tila baligtad ang nagaganap sa Mundo, sa
panahon ngayon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento