Sabado, Pebrero 28, 2015

26. February 2015 Journal (Day 762-789)

February 01, 2015
Sunday

Year III-032

5t-b. Ikalawang buwan para sa kasalukuyang taon at isang kalendaryo na ang nalagas. Malamig na panahon ang nagbigay sarap sa aking pagtulog at pagdilat ng mata, umaga na pala at kailangan ko ng bumangon. Pamamalantsa kaagad ng uniporme ang siyang inatupag matapos mag-almusal, natutuwa naman ako pagkat bihasa na sa pamamalantsa at hindi na ito mahirap sa akin, sa dami ng aking pinalantsa maging mga nakatiklop na damit, aabutin na ng kulang-kulang isang oras. Sumunod ay pagwawalis at pagpupunas ang inatupag ko't sinigurado munang malinis ito bago magpahinga. Hindi ko pa ibig ang magpahinga at may ibig pang gawin kung kaya naisipan munang maglaba. Kung kailan malapit ng magsampay ay saka naman kumulimlim at nagbabadya pang umulan. Natuloy nga ang kutob ko't bahagyang bumuhos ang ulan kaya di muna nakapagsampay.

5t-c. Nabanat ng husto ang katawan ko sa dami ng ginawa't sa dami, nakaramdam ako ng gutom at dagliang kumain. Sinigang sa miso ang naging pananghalian at labis akong nasarapan sa ulam kung kaya halos di maawat ang sarili sa paglantak at pakiramdam ko'y lalo akong lumalakas. Kinahapunan, ano ba ito at nakakabagot ang buhay kapag walang ginagawa, napapanis din ang laway pagkat walang makausap kung kaya naisipang ilibang ang sarili sa Computer. Matapos umupa sa Computer shop, naisipan kong magtungo sa bahay nina Cathy. Wala si Cathy ng tumungo sa kanila subalit nandoon si Ate Ging at tamang tsikahan lamang kaming dalawa. Maya-maya at dahil musmos si Jaka, itinuro ko sa kanya ang iba't ibang laro na aking nilalaro nung paslit pa at parang bumalik ako sa pagkabata, enjoyablepala maging bata pagkat puro laro at walang problemang inaalala. Bago sumapit ang gabi, naisipan kong magtungo sa Church kung nasaan si Cathy at nadatnang abala sa pag-eensayo.

5t-d. Maya-maya umalis na kami mula sa Church at sinamahan pa si Cathy hanggang sa kanilang bahay. Pagkukwentuhan ang naging libangan naming dalawa at sa dami ng pinag-usapan, walang kamalay-malay na sumapit na ang gabi. Sa takot na mabagansiya'y  kinailangan ng umuwi. Makasugat na damdaming sermon muli ang inabot ko sa pag-uwi at kung makapagsalita sila, parang ipinapalabas nilang iresponsable ako't walang karapatang lumayas. Matapos akong mamalantsa, maglaba at gampanan ang gawaing bahay na halos di na nga magkandaugaga, tapos iyan ang sasabihin nila't hindi naman marahil makatarungan iyan. Naiinis na ako't gusto kong ipagtanggol ang sarili kaso baka lumalala pa't lumabas na ako ang masama. Yan ang hirap sa kanila, gusto'y sila ang sinusunod at iniintindi samantalang wala namang ginagawang masama, pakiramdam ko'y di malaya sa piling nila. Maaga muli magigising kinabukasan kung kaya matapos magkape, ako'y natulog na.


February 02, 2015
Monday

Year III-033

5t-e. Ibang-iba talaga ang nararanasang lamig sa araw na ito't sa tindi nito, parang ayaw ko pang bumangon subalit di ko naman ibig ang lumiban sa klase kung kaya nilabanan ang ginaw maging ang antok. Maging sa pagligo'y nakakatamad gawin kaso ginawa ko pa rin upang maging kaaya-aya ang amoy sa kamag-aral. Alas-sais na pala't todo may pagmamadali na sa pagkilos upang di mahuli subalit wala pang guro pagdating. Sa oras ng Human Development, tuloy ang pangkatang pag-uulat at daming bagay kang matutuhan kapag nakikinig. Parang interesting ang maging BS Psychology pagkat ngayon ko lang na-realize na unique ang mga lesson. Sa oras naman ng Mental Hygiene, magkahalong sabik at saya ang naghari  sa aming dibdib ng laruin ang Step in, step out at hindi mapigilang humalakhak sa oras na magkamali, iyon pala may kinalaman sa bagong lesson ang aming games.

5t-f. Hindi pa natapos ang saya sa subject na ito ng magkaroon kami ng dula-dulaan hinggil sa Defense mechanism at di akalaing mapipili ako sa mga gaganap. Tungkol sa relationship ang naging ganap namin at tilian ang lahat ng akbayan ko ang kamag-aral na babae, grabe at dama ko ang pagiging tunay na lalake. Maya-maya'y oras na ng Math at wala pa ring pagbabago sa sitwasyon pagkat sumasakit pa rin ang ulo sa kakaintindi ng lesson subalit nakapag-recite naman sa pisara. Batalyunan kaming tumungo sa canteen at habang binabagtas ang daanan, muli kong nasilayan ang MR. Lakan ng Campus na si Timothy James at halos liparin sa kilig.

5t-g. Akala ko, biro lamang itong nararamdaman at iniisip na kukupas din itong pag-ibig pero di ko akalaing iigting ito at siya pa talaga ang natitipuhan ng puso samantalang batid ng isip na may kasintahan na ito. Lalo pang umigting ang kurot sa puso ng makita ko siyang muli at parang naakit palapit sa kanya. Bakit kaya siya pa at di na lang iba, Yung single? Maya-maya pa'y tumungo na kami sa silid. Sa oras ng Filipino, nagturo lamang si Sir Pablito't bumabalot muli ang antok sa pagkatao, hindi ko mabatid kung bakit inaantok ako kapag nagtuturo si Sir. Naparam lamang ang nadaramang antok ng Social Science na't tamang kwentuhan lamang kaming magkakaibigan habang wala pa si Sir Marvin. Kung kailan malapit ng matapos ang oras ay saka naman pumasok si Sir Marvin at nagturo.

5t-h. Maging sa oras ng English ay nagturo lamang si Sir Ubenia at matapos ay nagkaroon kami ng Activity. Ilang sandali pa, uwian na. Habang lulan ng dyip ay may nakasabay akong mga estudyante't parang dinaig ang Grade 1 kung magharutan at umpugan, heto namang si Manong Driver, Panay break sa pagmamaneho at halos mahulog na kami sa kinauupuan tapos ang bilis pa man din magpatakbo't parang hari ng lansangan. Kinakalibutan na ko at ibig ng bumaba kaso sayang ang ipinangbayad. Labis ang imbyerna ko pagdating sa bahay. Sa pagod at antok, diretso tulog na ko matapos maghapunan.


February 03, 2015
Tuesday
Year III-034

5t-i. Malamig na panahon muli ang siyang unang nagparamdam sa aking paggising at kay hirap ngang pumasok kapag pang-umaga dahil sa antok at lamig subalit kailangan labanan ang katamaran upang ang buhay ay umasenso at guminhawa pa lalo. Naku't patay ako kay Ma'am Eloisa pagkat hindi pa nakakagawa ng Assignment. Pagdating sa eskwela, sinamantala ko ang oras na walang guro sa paggawa ng assignment at sa dami, mukhang malabong matatapos. Maya-maya pa'y pumasok na si Ma'am Eloisa at puro siya dada, matatapos na ang oras na di pa ito nakakapagturo subalit nakapagturo pa rin naman, iyon nga lamang ay hirap unawain kahit ibinubuhos mo na ang atensyon mo sa kanya. Tapos hindi pa maganda ang screen projector at nagloloko kaya di makapag-aral ng maayos. Habang vacant time ay tamang kain lamang kami't maya-maya'y tumungo na sa Laboratory.

5t-j. Bago magsimulang mag-lecture si Ma'am ay inanunsyo niya na magkakaroon kami ng Quiz at kahit todo ang pagwewelga ay walang magagawa at tuloy pa rin. Dibdiban kaming nagkabisado pagkat napakaikli lamang ang ibinigay na panahon at maya-maya'y nagsimula na. Karamihan sa katungan ni Ma'am ay di ko narepaso at ng tseking, laking gulat ko pagkat pasado pa rin, kaso nadismaya si Ma'am sa naging resulta at ayan muli ang kanyang pagdada. Tungkol naman sa Circulatory system ang kanyang itinuro't mukhang magiging maganda ang lesson para sa karamihan sa amin dahil nandoon ang usapin tungkol sa puso.

5t-k. Maya-maya pa'y lumabas na kami. Gawa na ako'y nagtitipid at di pa naman pipi ang sikmura, nagpasyang huwag ng kumain. Habang nakatambay sa di kalayuan sa Athletic Center ay tamang kwentuhan lamang kami na may kasama na ring harutan at panay kantiyaw sina Anne Rose sa Crush ko, di ko na lang sila pinapansin. Pagpasok sa may Athletic Center, bigla na lamang ako nakaramdam ng pananakit ng tiyan, hindi naman nadudumi. Dahilan ng pagsakit ng tiyan ang pagpapalipas ng gutom at nakaligtaan kong kumain. Sa sakit, nahirapan na kong kumilos at muntikan ng mangisay sa sakit subalit tila nabura sa ispan ko ng muli siyang makita’t halos tunawin ko siya sa kakatitig. Sa kakatitig, tumagal pa tuloy ako’t landi ng puso ko. Bahagya namang naibsan ang sakit ng malamnan ang sikmura't laking pagsisi ko sa labis na pagtitipid.

5t-l. Nang magsimula na ang oras ng PE, heto muli ako't nakatunganga at umiiral ang inggit habang pinagmamasdan ang kamag-aral na dumadanak na ang pawis sa kakaensayo't hindi na nila maitago sa mukha ang pagkahapo. Nakaupo lamang ako subalit inaantok na't muntikan na ngang humandusay pero di ako panaig sa antok. Sa antok, diretso idlip ako pagkarating sa bahay at madilim-dilim na nagising. Gawa na malapit nanaman ang Midterm exam, ako'y nagrepaso. Bakit ganito, parating siya ang laman ng isipan at di magawang iwaksi ang kanyang mukha, nahihirapan tuloy mag-concentrate sa pag-aaral at isa siyang malaking tukso. Balak ko sanang magpuyat at igugol ang buong gabi sa pag-aaral subalit ayaw kong magkasakit, kaya natulog na.


February 04, 2015
Wednesday
Year III-035

5t-m. Lalo pang tumindi ang nararanasang lamig kung kaya hirap bumangon at sinisipon pa. Sa lamig na bitbit ng Hanging Amihan, tila ngayon pa lamang magpapasko. Malapit ng sumapit ang Alas-siete subalit walang masakyan at mukhang mahuhuli na ako. Pagkaalpas ng yapak, lumuwag ang paghinga ko pagkat wala pa si Ma'am Ria't mangilan-ngilan pa lamang kami. Pakikipagkwentuhan ang siyang inatupag habang wala pang guro, sarap kakuwentuhan ni Ate Cherylyn at gusto ko siya pagkat open ito sa akin at marunong makisama kahit di na naming siya ka-edad subalit mukhang lumayo naman ang loob sa akin ni Ella dahil sa sinabi ni Ate Cherylyn. Hindi ko sukat akalain na masasaktan siya kaya nagpaliwanag ako upang humupa ang kanyang hinanakit, naparam naman ang tampo niya kinalaunan. Kanya-kanyang balik sa upuan ng pumasok si Ma'am Ria't tuloy pa rin ang pag-uulat samantalang hayahay si Ma'am sa pag-upo. Sa oras naman ng Mental Hygiene, nagkaroon kami ng seatwork.

5t-n. Nagkaroon lamang konting inis sa dibdib pagkat sa tuwing nagsasalita ako, kinokontra nila't may patakip-takip pa gamit ang libro na animoy nang-iinsulto. Muntikan ko na silang kunyatan sa inis subalit napigilan lamang ang sarili. Hindi na nila itinuloy pa ng mapansing hindi na maipinta ang mukha ko. Sa oras naman ng Math, may panibagong lesson sa aming itinuro si Ma'am at matapos ay nagkaroon ng activity, sakit muli sa ulo ang inabot ko habang nagso-solve. Buti na lamang at naririyan si Karl Ferdinand kaya nakakasagot ako. Maya-maya'y lunch break na at matapos kumain, sa library muli namin naisipang manatili. Pagbalik sa silid, di batid ng isip na magkakaroon pala ng pagsusulit sa Filipino kaya paspasan ako sa pagrerepaso habang wala pang professor.

5t-o. Kaba at takot ang naghari sa aming dibdib ng pumasok si Sir Pablito't kahit anong pilit na pagtutol ay tuloy pa rin ang pagsusulit. Kaunti lamang ang narerepaso ko kaya labis ang pangangamote sa pagsagot at idinadaan na lang sa pagkakamot ng ulo. Yung iba naman, kapansin-pansing nagbubukas ng libro at nagkokopyahan sa tuwing nawawala ang pagtutok ng mata ni Sir. Balak ko sanang magbukas ng aklat subalit batid ng isip na pandaraya iyon at malinis na konsensiya pa rin ang nangibabaw. Nang maiwasto, kakarampot lamang ang natamong marka subalit mabuti ng ganito kaysa mandugas. Sa oras naman ng Social Science, nagkaroon kami ng Oral Recitation. Halos pumutok na ang puso ko sa lakas at bilis ng tibok ng tawagin ni Sir Marvin subalit nakasagot pa rin naman.

5t-p. Sa oras naman ng English, may dalawang estudyante ang tumungo't ipinatawag kami sa baba. Hindi pala makakapasok si Sir Ubenia subalit magkakaroon ng Activity bilang attendance. Hindi pa nga kami nakakaakyat ay bigla ng nagsialisan ang mga kamag-aral namin kaya dali-daling umakyat at kinuha ang bag. Bunying-bunyi kami sa tuwa sapagkat maaga ang uwian. Sila Kristel ang nakasabay sa pag-uwi't sa dami naming magkakasama, naging napakaligalig ng loob ng sasakyan at ang gugulo pa. Sige kami sa harutan at tawanan na tila walang pasintabi sa ibang mga nakasakay at dinaig pa ang mga paslit, ang saya pala nilang kasama dahil sa kakulitan. Sa gutom, diretso lantak ng pagkain ang pinagkaabalahan pagpihit ng yapak sa sariling tahanan at matapos ay nagrepaso na ako. Hirap naman isuksok sa utak ang nirerepaso dahil sakop niya ang kaloob-looban ng utak ko maging ang puso. Malapit ng sumapit ang Alas-dyis ng magpasyang matulog.


February 05, 2015
Thursday
Year III-036

5t-q. Anong ingay ang naririnig ko kinamadaling araw at nakakasuya sa teynga, tumutunog pala ang alarma ng aking selepono. Naghahari pa ang antok sa buong pagkatao at gawa na Free day, ipinagpatuloy ko ang pagtulog. Sa sarap ng tulog, di namalayang tirik na ang haring araw at hindi na nagpautay-utay sa pagbangon. Matapos kumain at maghugas, sinimulan ko ng gawin ang takdang-aralin sa General Zoology. Hindi naging biro sa akin ang iguhit ang Puso ng tao kahit may gayahan na't nakakawalang ganang pagmasdan. Nilapatan ko na lamang ng kulay upang gumanda at magmukhang totoo. Naging kaaya-aya naman sa paningin ng lapatan ito ng kulay at sa rikit, di ko magawang ialis ang titig sa drawing. Sa kakasulat ng napakarami, bahagyang nangalay ang daliri ko't mukhang malabong matatapos kung di itutuloy. Kumakalam na ang sikmura ko kung kaya itinigil muna ang sangkaterbang takdang-aralin. Matapos kumain, ipinagpatuloy kong gawin ang takdang-aralin.

 5t-r. Sumapit na ang hapon at sa oras na ito ako nakakaramdam ng antok subalit ito'y nilabanan ko, matapos lamang ang assignment. Malapit ng maghingalo ang liwanag ng lubos kong matapos ang takdang-aralin. Gawa na nababato muli, naisipan kong libangin ang sarili sa panonood ng pelikula. Maganda at nakakabaliw panoorin ang kwento ni Sybil na namuhay sa pagmamalupit ng ina at iyon ang dahilan kung bakit nagkaroon siya ng maraming katauhan. Sa tuwing nag-iiba ang pag-uugali'y tila may sumasanib sa kanya pero ang totoo, may Mental Disorder ito. May kaugnayan din pala ang kwento niya sa kursong aking kinukuha't gusto kong tulungan ang mga taong gaya niya subalit malalim na pag-unawa't mahabang pasensiya ang kailangan.

 5t-s. Sa Bagito naman ay todo tutok talaga ang mata ko sa panonood pagkat kaabang-abang ang eksena't lilitaw na ang matagal na lihim ni Vanessa. Kinagabihan at bago matulog, nagrepaso muna ako. Grabe si Ma'am Eloisa at napakahirap aralin ang kanyang subject, idinaan ko na lamang sa paspasang pag-unawa kaso walang nangyari at sumasakit lamang ang ulo. Maya-maya pa'y nahiga na ko sa kama. Malapit ng maghating-gabi subalit di makatulog pagkat patuloy siyang sumasagi sa isip at binibihag ang puso ko. Tinamaan na marahil ako sa kanya. Pilit kong pinipigilan ang nararamdaman sa kanya subalit di nais ng puso. Di naman niya ko kilala at lalong di kami magkaibigan pero bakit siya pa ang pinipintig ng puso, si Timothy James na pinakamagwapo sa balat ng Universe.


February 06, 2015
Friday
Year III-037

5t-t. Malakas na tunog ng alarma ang gumising sa akin at pagkatingin, malapit na palang mag-ikalima ng umaga. Ibig ko pa talagang matulog pagkat naghahari pa rin ang antok sa pagkatao ngunit di ko na ibig ang lumiban kaya di hinayaang magpanaig sa antok, isa pa'y ayaw kong masayang ang pagkakataong masilayan ang taong pinipintig ng puso't nagbibigay ng inspirasyon sa buhay. Mistulan siyang dugo at tubig pagkat siya lamang ang laman ng isip at puso. Pagtungo sa eskwela'y presensiya niya agad ang hanap-hanap ko subalit di masumpungan. Maaga pa kung kaya tumambay muna ako sa Canteen at nakipagkwentuhan kila Jaimarri. Naging matiyaga ako sa pag-aabang at panay ang sulyap, nagbabakasakaling makikita ko siya subalit bigo kong makamtan ang aking hinahangad.

5t-u. Maya-maya pa'y tumungo na ko sa silid. Tamang pagbabasa lamang ng aklat ang inatupag ko. Maganda rin na inlove ka sapagkat mas lalo ka pang ginaganahan upang gawin ang isang bagay. Neverpa kong nagkaroon ng kasintahan pero parang may alam na ang puso sa pag-ibig. Marahil nga'y patay na patay at baliw na baliw na ko sa kanya kaya ako nagkakaganito. Lumipas ang ilang minuto, pumasok na si Ma'am Eloisa. Nakakapanibago sa kanya pagkat di na siya dumadada't diretso turo na. Tungkol pa rin sa Circulatory and The heart ang kanyang lecture at napapanahon ang kanyang lesson dahil malapit na ang Valentine's day. May nagbago nga kay Ma'am subalit walang pagbabago sa kanyang tagubilin at iyon ay maghanap ng silid. Suwerteng may nahanap kaming bakanteng silid at doon na nanatili.

5t-v. May misa pala sa may Quadrangle at ibig sanang makiisa subalit may klase pa kami't di iyon excuse. Ipinagpatuloy ni Ma'am ang pagtuturo't sa tuwing may bagong terminolohiyang nababanggit si Ma'am sa kanyang pagtuturo'y naiisipan ko ng Joke at tawanan ang nasa tabi ko kahit korni subalit mahina lamang. Di ko batid sa sarili kung bakit tinotopak ngayon. Balak sana ni Ma'am Eloisa palawigin ang oras niya sa pagtuturo subalit panay tutol na kami't kating-kati ng lumabas. Pasalamat nga raw kami pagkat nagkaroon kami ng masipag na guro't di ako makapagsalita ng tanungin niya. Saya rin palang kausap ni Ma'am Eloisa kahit minsan ay may pagka-terror at iisiping miyembro ng Isis.

5t-w. Habang papatungo ang yapak namin sa Canteen ay abot langit ang tuwa ko pagkat nakita muli si Timothy James at siya ang kumumpleto sa araw ko. Ibig ko sanang tumili subalit baka magmukhang sira ulo at para akong sorbetes na unti-unting nalulusaw. Mala-Adan ang pangangatawan maging sa pananamit subalit di mapagkakailang pusong Eba. Sige lamang ako sa pag-iilusyon sa kanya habang lumalamon. Dahil may make-up class muli sa PE, di muna kami kaagad umuwi't tumambay sa labas ng Athletic Center. Lumipas ang tatlong oras, PE time na subalit sa Covered Court kami nagklase. Nababagot muli ako sa sarili pagkat nakaupo lamang sa iisang tabi samantalang halos magkandakuba na ang kamag-aral sa kakaensayo. Mabuti na lamang at nariyan si Enzo at pagbuo ng Rubics Cube ang inatupag namin.

5t-x. Matagal-tagal ko na ring hindi nalalaro ang Rubics Cube subalit nakatanim pa rin sa isipan kung ano ang paraan ng pagbuo't may kakayahan pa kong buuin ang Rubics cube ng lahatan. Hanga rin ako kay Enzo sapagkat nakakaya niyang buuin ang Rubics cube sa loob lamang ng tatlong minuto't dinaig pa niya ko. Maya-maya pa'y natapos din ang ensayo't kita ko sa mukha ng kamag-aral kung gaano iniinda ang pagod. Malapit ng gumabi ng makarating sa bahay at diretso nuod ng Bagito. Tanga lamang ni Andrew pagkat nagsasabi na nga ng totoo si Vanessa subalit di pa rin siya naniniwala’t ayaw tanggapin na di siya ama ng batang kanyang tinatangan. Maigi ng naging binabae ako pagkat kung lalaki lamang, malamang ay may naanakan na't mapapaaga ang obligasyon bilang magulang.


February 07, 2014
Saturday

Year III-038

5t-y. Sumapit nanaman ang araw ng pamamahinga mula sa pagpupuyat sa pag-aaral kung kaya di ganoong kaaga ang gising. Sa aking paggising ay nag-uumapaw na sigla't saya ang siyang kaagad na naramdaman at umiigting pa lalo ito sa tuwing sumasagi siya sa utak ko. Kailan ko kaya uli siya makikita at sana'y Lunes na upang sa ganun ay magkaroon ng pagkakataong masilayan ko ito. Hiling ko lang na magkausap na kami kapag muling magkita't di na mahihiyang magpakilala sa kanya. Nag-iisip na nga ako ng sasabihin at inihahanda ng husto ang sarili kung baka sakaling mangyari ang iniisip ko, di ako mababaon sa kahihiyan. Dahil inspired, matapos mag-almusal ay diretso repaso na ako. Asignaturang General Zoology ang una kong nirepaso't mukhang di kakayanin ng isang araw sa sobrang dami subalit di ako sumuko't pursigido talagang makamtam ang magandang Marka. Muntikan na ngang madamay ang mata sa kakasunog kilay pero tila walang pumapasok sa kukote.

5t-z. Tungkol na sa katawan ng tao ang pinag-aaralan at maging sa akin subalit bakit hirap unawain? Frustrated na tuloy ako't mukhang malabong makamit ang aking minimithi. Sa kakarepaso, di namalayang tanghaling tapat na. Pansamantala kong inihinto ang pagrerepaso't kumain. Matapos kumain at sa halip na ituloy ang pagsusunog kilay ay pagpe-Facebook ang inatupag ko. Kapag Crush mo naman ang isang tao, gagawin ang lahat, makita't mahagkan mo lamang ito. Nag-uumapaw na ligaya ang umiral sa dibdib pagkat kinompirma na niya ko as Friend sa Facebook at sa tuwa, ibig kong lumundag ng tayog. Isa talaga siyang malaking tukso't di ko mapigilan ang sariling tingnan ang kanyang mga Photo. Mistulang magnet tuloy ang mata ko pagkat di maialis ang titig sa kanyang litrato. Naawat lamang ako sa kaka-Facebook ng maubusan ng baterya ang phone at saka muling ipinagpatuloy ang pag-aaral.

5u-a. Sa asignaturang Filipino naman ang sunod kong nirepaso. Tagalog na Tagalog na ang pangungusap pero tila hirap unawain at kaagad na nabubura sa isipan ang inaaral kapag naiiwanan ng paningin. Ano ba ito, may utak nga subalit dinaig pa ang nangangalawang na bakal at may pag-asa pa bang tumalas ito? Kahit mahina ang tuktok, sige ako sa pagrerepaso. Di ako natatakot sa posibilad na maaring lumagapak basta't naririyan ang Panginoon at umaasang tutulungan niya ko. Kinagabihan at gawa na di pa dinadalaw ng antok, naisipan ko muling manood ng pelikula. Labis akong nag-enjoy sa pelikulang pinamagatang Lastikman at hanga ako sa ipinapakita niyang katapangan kahit ipinanganak na lampa. Ibig ko pa sanang tapusin ang Lastikman, subalit singlalim na ng balon ang gabi't kailangan ng ihimlay ang sarili. Ilang gabi ng di makatulog ng maayos dahil sa milyon-milyong beses ko siyang naiisip at mas mabilis pa sa guhit ng kidlat ang pagpintig ng puso.


February 08, 2015
Sunday

Year III-039

5u-b. Kumalat na ang liwanag sa labas ng ako'y dumilat at di na pinatagal pa ang oras sa pagbangon. Sing aliwalas ng panahon ang nadarama ko ngayong umaga't sana'y walang anumang bagay ang makapagpabago nito. Pakiramdam ko, para akong naninirahan sa isang kabigha-bighaning lugar at kay sarap damhin sa kalooban. Gawaing bahay muli ang inatupag ang siya muling pinagkaabalahan matapos mag-almusal. Medyo sinisipag ako ngayon at sa sipag, maging kasuluk-sulukan ng bahay ay nagawa ng walisin at pakiwaring makakayang gawin ang lahat. Marahil ay dahil ito sa umiiral na pag-ibig mula sa puso kaya ako buhay na buhay. Kapag lumagay ka talaga sa pag-ibig, asahang di mo mapipigilang pumintig ang puso't magpapatuloy ito hanggang sa ikaw ay masaktan. Sana nga'y hanggang dito lamang ang nararamdaman ko sa kanya at huwag ng humigit pa.

5u-c. Natural lamang na masaktan kapag umiibig ka subalit mukhang di ko kakayaning maranasan iyon. Kahit na hindi pa naranasang masaktan, batid na ng isip kung gaano ito kasakit kaya ayaw ko ng ituloy pa. Matapos ang gawaing bahay, naisipan kong lumabas at magkumpyuter. Nakakairita sa pandinig ang ingay ng mga umuupa't panay pa ang batuhan ng mura sa isa't isa at may pagkakataong nagkakapisikalan. Kawawa naman sila dahil namulat sila sa maling pamumuhay at tanging edukasyon lamang ang magsasalba sa kanila, tapos ang rurusing pa ng hitsura at animo'y pinababayaan ng magulang.

5u-d. Mabuti na lamang ako kahit minsan ay kinakamuhi ko ang pagiging mahigpit at pakilamera/o nila ay hindi naman sila nagkulang ng pag-aaruga't pagmamahal sa akin at sila ang dahilan kung bakit tinatahak ko ang ganitong landas. Sa panahon ngayon, matatapang na ang mga kabataan at kaya ng suwayin ang mga magulang. Dumadalas na nga rin ang insidente ng pagpatay na ang sangkot ay mga kabataan at iba pang mga krimen. Dapat ay babaan na ang edad ng maaring makulong upang hindi na lumalala pa ang krimen at mailihis ang nga kabataan sa maling gawain. Kung ako magiging presidente ng bansa, iyan ang magiging panukala ko. Kinahapunan, pagpaplantsa naman ng uniporme ang inatupag ko't paglalaba. Sa gabundok na labahin ay muntikan na kong abutin ng gabi sa paglalaba.

5u-e. Matapos maglaba, ako'y nagrepaso. Ano bang problema sa utak at sa kada nag-aaral ako'y di naman naiisuksok at sumasakit pa. May nakapagsabing isang benipisyo ang pag-ibig pagkat pinalalakas nito ang loob mo kaya nabubuhayan ka pero hirap namang mag-pokus kapag siya parati ang laman ng isipan. Saka ko lamang itinigil ang pagrerepaso ng oras na ng hapunan. Ilang araw na lamang ang nalalabi't Valentine's day na, kahit di ako nagmamay-ari ng puso niya't di mapasakin ay ayos lang, basta't makita ko lamang siya o makausap man lang ay sapat na iyon upang maging makulay at maligaya ang Valentine's ko. Sa sobrang sabik ko sa pagpasok, napaaga ang pagtulog ko.


February 09, 2015
Monday

Year III-040

5u-f. Naghahari pa ang antok subalit kailangan ko ng bumangon at sanayin ang sariling magising ng maaga. Hindi naman naging hadlang sa pagbangon ang malamig na panahon at tila ginaganahan ako sa pagpasok. Sa sobrang sabik sa pagpasok at makita lamang siyang muli, napaaga ang pagdating ko sa eskwela. Magkakaroon pala ng maikling pagsusulit sa Human Development kaya pagsusunog kilay ang inatupag ko sa halip na makipagtalastasan sa kamag-aral. Lundagan kami sa tuwa ng ianunsyo ni Ma’am Ria na walang magaganap na pagsusulit at magkakaroon lamang ng pag-uulat. Ang ganda ng Topic sa oras na ito pagkat tungkol ito sa relationship at relate na relate ang iba kong kamag-aral lalong lalo na si Anne Rose. Habang di pa pumapasok si Ma'am Trisha't sa kadahilanang magkakaroon din ng pagsusulit, dibdiban akong nagrepaso, maipasa lamang ang pagsusulit. Maya-maya pa'y dumating na si Ma'am Trisha at nagsimula na ang pagsusulit. Puro enumeration ang naging type ng pagsusulit kaya pahirapan sa akin ang sumagot at halos mabuwang na sa kakaisip ng isasagot.

5u-g. Nang tseking na'y katamtaman lamang ang natamo ko't masaya pa rin dahil pasado. Oras nanaman ng Mathematics at tiyak na sakit ng ulo muli ang aabutin, hindi nga ko nagkamali sa iniisip at mas humirap pa ang bago naming lesson. Nakakawalang ganang sumagot ng magkaroon ng activity at di ko na ibig pang sumakit ang ulo kaya hinintay na lamang ang oras upang matapos ang kalbaryong ito. Ilang sandali pa, sa wakas at lunch break na. Matapos kumain ay sa library muli namin naisipang manatili. Nang isasauli ko na ang aklat ay umiral ang kaba sa dibdib pagkat di namalayang lagpas na sa mismong due date ang pagsasauli ng aklat, nalagasan tuloy ng Allowance. Maya-maya pa'y tumungo na kami sa silid. Pagkapasok ni Sir Pablito'y hindi namin inasahan ang magiging reaksyon nito at halos matupok na ito sa tindi ng galit. Dahilan pala ng kanyang galit ang tungkol sa di pagsasabi ng totoo ng ipapasa ang liham sa Coordinator at palaisipan kung sino ang nagsinungaling kay  Sir.

5u-h. Ngayon lamang napagtanto na ganoon pala kabagsik si Sir Pablito't back to Zero tuloy kami sa paggawa ng Thesis. Humupa naman ang galit ni Sir kinalauna't inatasan akong magpa-zerox. Nang ipamudmod na ang Zerox copy, may isa akong kamag-aral na nagreklamo't di raw siya naabutan samantalang nagbayad naman ito. Marahil ay may napagbigyan akong hindi nagbayad at sa dami ba naman nila'y matatandaan pa ba kung sino ang nagbayad o hindi. Kinailangan ko pa tuloy siyang abunuhan at inis ang umiral sa dibdib ko ng mga oras na iyon. Ano ba 'to at mukhang kakarampot na lamang ang natira sa pitaka at buwisit talaga ang kawatan na 'yun. 

5u-i. Sa oras naman ng Social Science, nagkaroon kami ng Long test subalit open notes. Dami talagang alam na kalokohan ni Sir at nagawa pa niyang hawakan ang kamay ko at habang tangan-tangan ang kamay ay ramdam ko ang pagiging magaspang nito't gusto ko ng alisin na subalit sa higpit ay di ko magawa. Maya-maya pa'y English time na't nagturo lamang si Sir Ubenia. Bago kami umuwi'y kumuha muna ng Salakot. Habang ipinipihit ang yapak palabas ng Campus ay panay matyag ako, masilayan lamang siya subalit bigong makita, di tuloy nakumpleto ang araw ko. Pagdating sa bahay at matapos kumain ay diretso pagrerepaso ang inatupag ko. Panay talaga ang pag-aaral ko na kulang na lamang ay di maialis ang mata sa makapal na aklat subalit di man lang tumatatak sa isipan, pero bakit ang taong pinipintig ng puso, parating nakatatak sa isipan samantalang di ko naman siya kinakabisado. Maya-maya pa'y natulog na ko't goodluck sa darating na Midterm exam bukas.


February 10, 2015
Tuesday

Year III-041

5u-j. Magkahalong kaba at sabik ang siyang naghahari sa dibdib. Kinakabahan ako dahil ngayon ang Lagumang pagsusulit subalit nasasabik naman sapagkat magkakaroon muli ng pagkakataong masilayan siya. Mga dakong ikawalo na ng makarating sa Unibersidad at bulto-bultong dagsa ng mga estudyante na iisiping may piyestang nagaganap pero midterm exam lamang na ang tawag sa karamihan sa amin ay Hell Week. Habang wala pang proctor ay sinamantala ko ang oras sa pagrerepaso. Hirap naman makapagrepaso ng ayos dahil maingay subalit di ko iyon inalintana. Maya-maya pa'y pumasok na ang proctor at laking gulat at tuwa namin dahil si Ma’am Pebenito ang proctor. Kasabay ng pagpasok ni Ma'am Pebenito ang pagsisimula ng pagsusulit. Asignaturang Human Development ang una naming naging pagsusulit. Nabasa ko ang ilang mga katanungan subalit limot ng isipan ang mga sagot. Sa hirap ay napatagal ako sa pagsagot at nag-Madam Auring na lamang.

5u-k. Matapos mag-take nang pagsusulit, tumungo muna kami sa may Hilltop Square at doon isinagawa ang pagrerepaso. Sa halip na mag-group study, nauwi lamang sa harutan at hagalpakan, di na tuloy kami nakapag-aral at kanya-kanya ng kwentuhan. Lumipas ang halos dalawang oras, bumalik na kami sa silid. Doon lamang ako nakapagrepaso ng maayos at hirap talagang maging buhay estudyante kapag kabisado ka ng kabisado tapos wala namang pumapasok at nawawakwak lamang ang utak. Maya-maya pa'y pumasok na ang kasunod na proctor at General Zoology ang sunod namin naging pagsusulit. Mabuti na lamang at tumatak naman sa isipan ang kahulugan ng bawat terminolohiya kaya di naging pahirapan sa akin ang sumagot. Humirap lamang ng nasa kahuli-hulihang bahagi't labis na ang aking pangangamote. Natapos din ang kalbaryo sa utak na pagsusulit at maipagpapahinga ko na rin ito.

5u-l. Habang kami'y naglalakad palabas ng Campus, lagpas pa sa taas ng langit ang namamayaning tuwa at tila nabuhay ang natutulog na katawang lupa ng masilayan ko si Timothy James, humahanap ako ng mapangkakapitan pagkat sing tindi ng bagyo ang dating niya't mistulan na kong buwang sa aking kinikilos. Balak ko na sana itong lapitan at kausapin subalit hiya ang pumigil sa balakin at hanggang tingin lamang. Lalo pang sumidhi ang nadaramang ligaya ng ngumiti ito sa akin subalit ilusyon lamang at sa iba pala inaalay ang matamis na ngiti. Kahit lulan na ng jeep at di ko na siya nasisilayan ay damang-dama ko pa rin ang presensiya nito't parang lintang hirap alisin sa isipan maging sa puso at nag-uumapaw talaga ang kilig sa dibdib. Grabe at ganito pala ako ma-fall inlove subalit sa kapwa lalaki lamang.

5u-m. Marahil ay pinana ni Kupido ang puso ko para sa kanya kaya ganoon na lamang kabilis at katindi ang nadaramang pagnanasa sa kanya. Patay na patay at baliw na baliw. Sa antok at pagod, kaagad akong natulog pagdating ng bahay. Pagkagising ay nagrepaso na ko. Dugo't pawis na ang ibinuhos ko, maintindihan lamang ang Lesson sa Math subalit nahihirapan pa rin at sumasakit lamang ang bungo ko. Kinagabihan ang biglaang pagsungit ng pakiramdam ko kaya di na nagpuyat pa sa pa. Hindi naman makatulog pagkat panay ang pagsinga ko't pakiwaring magkakasakit na huwag naman sanang humantong.


February 11, 2015
Wednesday

Year III-042

5u-n. Nagpapasalamat ako sapagkat bahagyang guminhawa ang lagay ko't huwag ng taglayin pa ang karamdaman. May kasabikan muli sa dibdib ang umiiral sa aking paggising at tila nanalo sa lotto sa sobrang tuwa pagkat di pa rin mawaglit sa isipan ang mga sandaling masilayan siya. Sana nga'y magkita ulit kami at lalakasan ko na ang loob na kausapin ito. Mga dakong ikawalo na ng makarating ako sa eskwela't bago pumasok sa silid, nag-almusal muna kami. Sa dami ng nilagay na chili sauce ng kamag-aral ko sa nilalantakang French Fries ay di ko na makaya pang ubusin sa sobrang anghang at pakiwaring ngumunguya ng isang daang sili. Saka lamang namin naisipang magtungo sa silid matapos kumain. Pagkapasok, kapansin-pansing walang imik si Ella kahit nagkakatuwaan kami ni Anne Rose at tila may nag-iba sa kanya. Iyon pala, may pinagdaraanang problema. Ibig sana namin siyang tulungan subalit ayaw naman sabihin kung ano ang suliranin nito't idinaan na lamang sa paghikbi ang nararanasang bigat ng kalooban.

5u-o. Pagrerepaso ang inatupag naming mga magkakaklase habang di pa pumapasok ang proctor. Ilang minuto ang makalipas, pumasok na ang Proctor at laking gulat namin ni Anne Rose dahil si Sir Jasper ang naging Proctor. English subject ang naging pagsusulit namin at madali lamang sa pangkalahatan, iba talaga ang magiging pakiramdam kapag nag-aaral ng mabuti. Tumungo kaming limang magkakaibigan sa Hilltop square matapos kumuha ng pagsusulit. Aral ng aral ako sa Filipino subalit ni katiting na detalye'y di man lang kumakapit sa isipan pero kapag siya, hirap alisin sa isipan. Ipinagpatuloy ko pa rin ang pagrerepaso kahit na nasa silid na. Nayayamot na ko sapagkat nakakaligtaan ang mga terminolohiyang kinakabisado kapag lumilipas ang panahon at baka mangamote ako kapag isinalang na ang sarili sa pagsusulit.

5u-p. Ilang sandali pa, dumating na ang kasunod na Proctor. Nagkamali ako sa aking iniisip pagkat naging sisiw lamang ang naturang pagsusulit at sa dali, daglian kong natapos. Habang patungo kami sa library ay saktong nakasalubong si Ma’am Joyce. Sa sobrang pagka-miss ko kay Ma'am, sa halip na batiin ay nakipagkamusta na sa kanya't di inasahang hahaba ang usapan naming dalawa. Sa sarap ng kwentuhan namin ni Ma'am Joyce, di ko namalayan na nakalayo na ang mga kasamahan ko't kakainis sila dahil di man lamang ako hinintay. Hinanap ko sila kung saan-saang lupalop at habang aligaga sa paghahanap, maligaya nanaman ang araw ko ng makita si Crush. Mag-isa lamang itong nakaupo, balak ko na sanang tabihan at kausapin, kaso pinanghinaan muli ng loob lalo na ng magpakita ang kasintahan nito.

5u-q. Ipinagpatuloy ko ang paghahanap sa kanila hanggang sa masumpungan ko ang mga ito. Todo panunudyo sa akin sila Anne Rose ng makita nila kung gaano ka-sweet sila Timothy at ipinapalabas na hanggang pangarap na lang daw ako. Hindi ko naman siya minahal at hanggang crush lang ang tingin ko sa kanya kaya kahit ni katiting na sakit ay di man lang nagpayanig sa dibdib at wala akong balak na iangat ang nararamdaman sapagkat batid ng isip na masasawi lamang sa huli kapag patuloy akong umaasa. Paano niya ko mamahalin? Di nga ko makapasok-pasok sa buhay niya't nauunawan ko siya kung sa iba ibaling ang pagmamahal pagkat natural lamang iyon sa magkasintahan.

5u-r. Kahit nasaksihan ko kung gaano katamis ang pagsasama nila, nanatiling maligaya ang nasa dibdib, use the Defense mechanism to avoid pain in your heart. Diretso Siyesta ako pagdating sa bahay at pagkagising, paggawa ng Homework sa Social Science ang muling inatupag. Nang magrepaso sa Math, anong hirap at di ko makuha kung paano i-solve ang Trigonometric identities, tinatamad na kong magrepaso pa kung sakit lang ng ulo ang aabutin kaya pagkulwit ng selepono na ang inatupag at halos di ko na maawat ang sarili. Maaga nanaman magigising kinabukasan kaya diretso tulog ako matapos magkape.


February 12, 2015
Thursday

Year III-043

5u-s. Hindi gasinong kalamig ang lagay ng klima kung kaya di pahirapan sa akin ang ibangon ang sarili. Sumungit muli ang pakiramdam ko at sa takot na lumalala, nagpasyang magpunas na lamang. Kahit medyo sinisipon ay umiiral pa rin ang sabik sa dibdib at sana'y araw-araw na may pasok para makita ko siya. Sa sobrang sabik, napaaga ang dating ko sa eskwelahan. Dibdibang pagrerepaso ang inatupag ko habang di pa nagsisimula ang pagsusulit. Maya-maya pa, pumasok na ang aming proctor at ng pasahan na ng permit, nadiskubre kong nawawala ang aking permit at paano iyon nangyari? Hindi ko na mapigilan ang sariling kabahan at baka di payagang kumuha ng pagsusulit. Mabuti na lamang at mabait ang Proctor at pinahintulutan niya kong kumuha ng pagsusulit. Asignaturang Social Science ang naging pagsusulit at naging madali naman ito sa pangkalahatan, tungkol ba naman sa Populasyon ang katanungan, isa sa pinakapaborito kong topic at sa dali, kaagad kong natapos ang pagsusulit.

5u-t. Tumungo muna kami sa Library at doon ipinagpatuloy ang pagrerepaso sa Math. Aral ng aral na ko sa Math, may maisagot lang sa pagsusulit subalit wala talagang pumapasok. Sadyang kay tulin ng oras at di napansing Alas-nuebe na pala't kailangan ng bumalik sa silid. Dobleng kaba na ang umiiral sa dibdib ng mga oras ding iyon at hinihiling na sana'y di terror ang kasunod na proctor para pahintulutan akong kumuha ng pagsusulit. Natupad nga ang aking kahilingan at kay palad ko pagkat mala-anghel ang kabaitan ng proctor. Di pa nga nakakapagsimula sa pagsagot ay nagsimula ng sumakit ang ulo ko ng makita ang mga nakakalulangexpression at iniisip kung kakayanin ba. May angking talino ako sa Mathematics pero sa Trigonometry lang talaga mahina ang tuktok at sa hirap, labis na ang pangangamote ko't halos lumuwa na ang mata sa kakapili ng sagot.

5u-u. Wala naman akong alam pang maisagot kaya nag-Madam Auring muli ako. Natapos din ang kalbaryo sa utak at kung kailan tutungo sa library upang magbayad ng overdue charges sa hiniram na libro, nadiskubreng nawawala angslip. Kainaman naman itong nangyayari sa akin at kinailangan pa tuloy manghingi. Nasundan pa ng panibagong kamalasan ng tumungo ako saCashier at natuklasang nawawalan ng pera, hinalughog ko na kung saan-saan pero di masumpungan. Bukas pa ang Friday the 13th pero tripleng kamalasan na ang dumatal sa buhay ko. Sa halip na magbayad ay di ko na itinuloy at aboridong-aborido na sa nangyayari sa akin. Parang bulang naparam ang pagkaimbyerna ng muli kong makita si Crush at para akong magnet na naaakit palapit sa kanya pero di ko ginawa.

5u-v. May pagkakataon na kong makipagkilala sa kanya tapos pinakawalan ko pa't tama si Jed, puro lamang ako salita't di ginagawa. Paano ko gagawin ang balak sa kanya kung parating humahadlang ang hiya. Maigi na marahil na kalimutan ko na ang nararamdaman sa kanya pero di ko kayang gawin. Sa gutom ay diretso kain ako pagdating sa bahay. Matapos kumain at balak ko na sanang mag-siyesta subalit di ko itinuloy dahil himbing sa pagtulog si ina at walang magbabantay sa tindahan, bilang pagmamalasakit ay nagbantay muna ako. Kaso ang tumal ng mga bumibili't nakakatamad tuloy magtinda. Kinagabihan at gawa na di pa dinadalaw ng antok, naisipan ko munang makinig ng musika. Malapit ng mag-ikalabing-isa ng magpasyang matulog.


February 13, 2015
Friday

Year III-044

5u-w. Bisperas ng araw ng mga puso at sa araw na ito'y kailangan ng ibayong ingat kung naniniwala ka sa pamahiin dahil sa Friday the 13th ngayon. Kahit tatlong sunod-sunod na kamalasan ang dumating sa buhay ko kahapon, hindi pa rin ako naniniwala sa pamahiin sapagkat kaya naman nangyari iyon sa akin dahil sa kaburarahan ko't di batid sa sarili kung bakit di ako nagkakaganito. Ang kahapon ay natapos na't di na kailangan pang balikan. Pagkadilat ng mata'y aakalaing madaling araw pa lamang kahit Alas-siete na sa dilim ng kalangitan at tila nagbabadya ang unos. Parang nagluluksa nga ang kalangitan sa kaitiman tapos tila nanamlay ang umaga ko, naisipan kong magpatugtog. Sarap makinig ng Old love songs at nakaka-relate sila Mama kaya di makapagreklamo. Kung tutuusi'y di na singtulad ng dati ang mga kanta ngayon sapagkat mas patok na sa mga tagapakinig ang Pop and Rock songs kaysa sa Sweet and Senti Songs subalit ang di nila alam, may natataga palang pagkademonyo ang mga kanta o Illuminati songs kung tawagin ang kanilang pinakikinggan.

5u-x. Kung ano pa ang Illuminati songs o kung sino, patuloy na tinatangkilik at iniidolo. Nasa kanila na naman iyan kung itutuloy ba o ititigil ang pakikinig sa awiting makademonyo.  Ang luma subalit di kumukupas ang makulay nitong mensahe't nagbibigay sigla pa sa araw ko't maging ang kalangitan na kaninang nalulumbay, unti-unti ng lumiliwanag. Labis na sigla ang siyang naghari sa dibdib at sa sigla, mukhang makakayang gampanan ang lahat ng gawaing bahay. Iba talaga ang madaramang spirit kapag nakikinig ka ng love songs. Matapos ang gawaing bahay, paglalaba naman ang inatupag ko.

5u-y. Habang nagkukusot ay saktong nakita ko ang perang hinahanap kahapon at nakasuksok lang pala sa bulsa ng uniporme maging permit, pasalamat na lang at di ko pa nakukusot at naibabad ng maigi kaya di gasinong nabasa at buo pa rin. Magkahalong tuwa at inis ang naramdaman ko. Naiinis ako dahil kung kailan naglaba saka pa lamang ito nakita pero di naman nakita ang pera kahapon, di sana'y nakapagbayad na ko maging angpermit, di sana'y di ko kinailangan pang makiusap sa Proctor. Tila pinaglalaruan ako ng kapalaran pero di ako patatalo. Matapos ang nakakapagod peroenjoyable na paglalaba, panonood naman ng telebisyon ang inatupag ko.

5u-z. Dami kong halakhak habang pinapanood ang The Ryzza Mae Show at pakiwaring ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong kasaya na tipo walang bukas at sagad na sagad. Kinahapunan at gawa na muling batong-bato, naisipan Kong magkumpyuter. Pagsapit naman ng gabi ang biglang pagsungit ng pakiramdam ko, nakapasok na rin sa bansa ang nakamamatay na sakit na Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus at marahil ay may ganoong uri na ko ng sakit kaya ganito na kalala ang sipon at ubo ko, wala naman akong nakasalamuhang may MERS Cov o di kaya'y may kinalaman ang pabagong-bagong klima. Sa halip na magpakapuyat sa kaka-Facebook, inihimlay ko na ang sarili sa kama. 


February 14, 2015
Saturday
(Valentine's day)
Year III-045

5v-a. Pinakamatamis at maligayang araw para sa lahat ng magsing-irog at mga nagmamahal. Kailan kaya darating ang araw na ipagdiriwang ko ang Valentine'sna may kinakasama at kayang ipadama na kung gaano ako kaespesyal sa kanya. Nag-uumapaw na saya marahil ang makakamtam kung napagtagumpayan mong bingwitin ang puso ng taong iyong pinapangarap na makasama. Sa limang taong nagpatibok ng puso ko, ni isa sa kanila'y di man lang maibigay ang pagmamahal sa kanila't nanatiling pangarap na lamang na balang araw ay magiging kami. Paano'y natatakot masaktan at ganoon talaga ang kahihinatnan kapag lumagay ka na sa pag-ibig. Siya na kaya ang nakatadhana para sa akin o may darating pang mas higit sa kanya? Kahit sabihing may iniirog na ang taong pinipintig ng puso, tandaan na walang Forever sa kanila, maghihiwalay din iyan. Mga dakong ikapito na ng umaga ng magkamalay ang katawang lupa't mag-almusal.

5v-b. Araw ng mga puso ngayon subalit tila ordinaryong araw lamang dahil di pa tapos ang Midterm exam. Kahit may pasok kami, punong-puno pa rin ng ligaya ang nasa dibdib at di ko mabatid kung bakit napakaaliwalas ng pakiramdam ko. Siya agad ang hanap pagdating sa eskwela subalit di pinalad na masilayan ito. Kaliwa't kanan na rin ang bentahan ng mga Valentine's heart and Flowers at karamihan sa mga estudyanteng makakasalubong ko, tangan-tangan sa kamay ang mga ito't ibibigay sa kanya-kanyang iniibig. Matunog na rin ang katagang "I love you and Happy Valentine's" sa buong campus at iba talaga ang Clash ng Valentine's kapag College level ka na. Wala pang guro pagpasok sa silid kaya sinamantala ko ang oras sa pagrerepaso.

5v-c. Hindi naman makapagrepaso dahil maingay at tungkol sa pakikipag-date ang laman ng usapan ngayon, naiingit tuloy ako pero ayos lang,  atlis mas inuuna ko ang pag-aaral kaysa lumandi't mahirap na, baka mapaaga ang obligasyon mo bilang magulang. Maya-maya pa'y pumasok na ang Proctor namin. Mental Hygiene ang naging pagsusulit namin. Naging sisiw lamang sa pangkalahatan at sa dali, kaagad ko din naman iyon natapos at hiling ko this Valentine's na maipasa ang lahat ng pagsusulit. Balak pa sana naming dumalo sa Seminar subalit katamaran ang naghari sa dibdib ng mga kasamahan ko't kating-kati ng makapiling ang mga sinisinta. Habang palabas ng Campus ay saktong nakita ko sila Cathlyn at nag-ayang manood ng sine.

5v-d. Masyado pang maaga at di ko pa ibig ang umuwi kaya di na ko nakahindi pa sa kanila. Kaso nga lang ng kasama ko sila, parang di ako belong at di ko man lang maramdaman ang mainit nilang pakikisama sa akin. Kahit madalas na isolated sa kanila, nagawa ko pa ring makisama. Naasar lamang ako sapagkat nag-aya silang manood ng sine, naudlot lamang at tuloy, gumala na lamang kami sa buong SM at nasayang lamang ang kwarta at lakas ko. Pagkabalik sa eskwela, tumungo muna ako saLibrary upang bawiin ang library card. Sa wakas, matapos ang isang linggo napasakamay ko muli ang Library card. Maya-maya pa'y umuwi na ko't kahit may mga araw na nagkakaroon kami ng alitan ni ina kahapon, naisipan ko pa rin bilhan ng Valentine's heart upang ipakita ang pagmamahal sa kanya.

5v-e. Natutuwa naman ako dahil appreciated niya ang effort ko at magkaayos na kami. Kahit magkaroon ka ng hinanakit sa kanya, nanay mo pa rin siya't di ko maiwaglit sa isipan ang kabutihan at tulong na naimbag niya sa akin at di siya sumusuko kahit minsan ay konsumisyon ako sa kanya. Patuloy pa rin akong inaatake ng sipon at ubo at sa sama ng pakiramdam, kaagad na akong natulog matapos kumain. Balak ko pa sanang magtungo sa bahay ng kaibigan pero di ko na itinuloy at panonood na lamang ng telebisyon ang iginugol ko. Sobrang ganda muli ng istorya sa MMK pagkat Jadine love team ang gumanap. Tanga lang ng babae dahil inaasa niya parati sa sign ang lahat na makikita sa lalaking natitipuhan samantalang di niya alam, ang pagmamahal na ng lalaki ang signupang magkatuluyan sila. Kaya iyan, nagtampo tuloy ang lalaki't masyado kasing pihikan si babae, porket di lang natupad ang hinihingi niyang sign, di na magiging sila. Sa huli, natauhan din ang babae't tinanggap ang pag-ibig ng lalaki. Kung mutual ang Feelings niyong dalawa at nalampasan ang lahat ng pagsubok, balewala na ang ibang sign dahil iyon na ang sign na nakatadhana kayo sa isa't isa.


February 15, 2015
Sunday

Year III-046

5v-f. Nananatiling naghahari ang masamang pakiramdam sa kabila na sapat naman ang oras ng pagtulog at tila lumulubha pa nga. Sa sama, tila di ko na ibig pang bumangon. Bukod sa ako'y sinisipon at nakakaranas ng pananakit ng lalamunan, iritableng-iratable ako ngayon dahil ninakawan ako ng magandang tinig, di tuloy makapagsalita ng maayos dahil paos. Kahit na di maayos ang kalagayan ko, nagawa pa rin gampanan ang gawaing bahay. Sino pa bang maaasahan sa gawaing bahay kundi ako lamang at pilit kong di inaalintana ang masamang pakiramdam. Hindi pa nga natatapos walisan ang buong sahig ay umiiral na agad ang pagod at tinatamad na ko subalit ipinagpatuloy ko pa rin. Matapos magwalis at magpunas, paglalaba naman ang inatupag. Habang abala sa pagkukusot ang biglang pagbisita ni Auntie Andrea at ang kaninang payapang tahanan, napalitan ng kaingayan.

5v-g. Sa sama ng pakiramdam, diretso higa ako sa kama matapos maglaba. Hindi naman ako makapagpahinga pagkat ang ingay ni Auntie at tila di nauubusan ng sasabihin pero habag ang umiral sa dibdib ng maulinig ko ang kinukwento nito't may tumor na pala ang kanyang baga. Natatakot ako na baka matulad sa kanya dahil madalas kapitan ng sakit na huwag naman sanang mangyari. Nang bahagyang bumuti ang pakiramdam ay naisipan kong magtungo kila Auntie Caling upang hiramin ang isusuot sa Debut ni Jaimarri. Hindi supistikada pagdating sa pananamit kaya pahirapan sa akin ang mamili ng isusuot. Mabuti na lamang at may taste si Auntie Caling kaya nakapili agad ako.

5v-h. Nang makahiram, nagtungo ako sa Computer shop upang gumawa ng project sa Social Science. Nakaka-stress ang sangkatutak na proyekto't sa dami, bigo kong matapos ngayon. Bago pa man maghingalo ang liwanag ang pagbisita naman ni Tita Susan. Hindi naman kami makapagkwentuhan ng maayos pagkat ako'y paos subalit sinubukan pa rin magsalita sa tuwing kinakausap. Bukod sa ako'y namamaos ay nawalan na rin ng panlasa at pang-amoy kaya ang masarap naming hapunan, di ko man lang malasap. Ano bang sakit ang dumapo sa akin at bakit ganito ang nararanasan ko? Hiling ko lang bukas na nawa'y bumalik na sa dati ang ginintuang tinig upang di kutyain ng kamag-aral. Sa bawat oras na lumilipas ang unti-unting pagsidhi ng kaba at hiya sa dibdib.


February 16, 2015
Monday

Year III-047

5v-i. Bago pa man sumikat ang bukangliwayway ng magising na ko dahil sa lintik na sipon. Nang subukang magsalita, ano ba 'to at nananatiling paos at hirap itodo ang boses. Hindi naman ako bumirit at lalong di nag-concert pero bakit mala-tinig palaka ang boses ko. Sa sobrang pamamaos, hindi tuloy nila ako maunawaan kapag kinakausap at tila lumubha pa ang pamamalat ng boses. Kahit takot na malubog sa kahihiyan kapag naulinig ng kamag-aral at guro ang malapalakang tinig, hindi ko inintindi ang mga posibilidad na mangyari at pinili ko pa ring pumasok. Kumurot agad ang hiya sa dibdib ng makasalamuha ang kamag-aral at ungol lang ang naging paraan ng pagtugon ko sa tuwing may tinatanong sila sa akin.

5v-j. Magtataka naman sila kapag puro ungol lamang ako kaya nilakasan ko na ang loob na magsalita. Nang una'y natawa't inaalam ang dahilan ng aking pamamaos subalit inunawa nila ako't pinayuhan pa nga. Bukod sa namamaos ay panay din ang pag-ubo ko't tila sasamain ako ngayon. Maya-maya pa, may guro na't kaba ang umiral sa dibdib dahil malalaman na ang resulta ng pagsusulit sa Human Development subalit nagkaroon lamang ng pag-uulat. Sa oras naman ng Mental Hygiene, nagtsek lamang kami ng test paper. Kahit may additional points na'y di pa rin ako nasiyahan pagkat di naman pasado maging sa Math. Tanggap ko na mababa ang natamong marka sa Mathdahil sadyang mahirap ito pero sa Mental Hygiene, hindi naman ako makapaniwalang magiging ganoon ang resulta ng pagsusulit samantalang nagrepaso ako't nadalian pa nga.

5v-k. Ilang sandali pa, dismissal time na't hanggang ngayon ay di pa nanunumbalik ang maganda kong tinig. Kapag may gustong sabihin, di masabi pagkat di makapagsalita ng maayos. Nang kami'y patungo sa library, may isang estudyanteng biglang humarang sa amin at sapilitang pinapapila sa Boot. Mayroon palang Jail Boot at lahat ng mga estudyanteng mahulihan ng mga gamit na nakatala upang masali sa Jail Boot ay pinaghuhuli. Nang una'y sabik ang umiiral sa dibdib habang nakapila pero di pala pagkat ikukulong ka nila. Makakalaya ka lamang kapag may tumubos sayo. Sa kagustuhang makalaya sa piitin, wala akong ibang magawa kundi ang sumigaw kahit namamaos na, mahikayat lamang na tubusin ako. Trenta minuto na kaming nakakulong subalit wala pang tumutubos at ng saktong makakita ng kakilala, may pagmamakaawa akong nakiusap sa kanila na tubusin ako at napapayag naman sila. Kahit katuwaan lamang ay lubos akong di nasiyahan at parang nangongotong sila ng pera sa mga estudyante. Sino kaya nakaisip ng paandar na iyan at walang matinong gawin? Umakyat ako sa library na may yamot sa dibdib at dapat sa boot na iyan, inirereklamo sa CHED ng di na makangotong pa ng pera.

5v-l. Makalipas ang mahigit sa isang oras, bumalik na kami sa silid. Inilaan lang namin ang buong oras ng Filipino sa pagpupulong para sa gagawing thesis. Sa susunod na linggo na ang pasahan at wala pa kaming nasisimulan kaya paspasan na kami sa paghahanda. Tigil ang kanya-kanyang pagpupulong ng pumasok si Sir Marvin at nagkaroon kami ng biglaang pagsusulit. Kahit biglaan at di napaghandaan, madali lamang ito kaya agad kong natapos. Sa oras naman ng English, isa-isa kaming tinawag ni Sir Ubenia upang kuhain ang test paper at ng ako ang tawagin, magkahalong saya at inis ang naramdaman ko kay sir, pagtripan ba naman nito ang boses ko, nakikisakay na lamang ako sa mga pahirit niyang biro. Tila nasa alapaap ako ng makita ang naging resulta ng pagsusulit.

5v-m. Maya-maya pa'y uwian na. Tanging si Czarina lamang ang nakasabay ko sa pag-uwi't di man lang makapagkwentuhan dahil nawala ang abilidad ko sa pagsasalita, para tuloy kaming others sa isa't isa. Sa gutom na kanina pa iniinda, diretso lamon ako pagdating sa bahay subalit di naman malasahan ang kinakain. Sana'y ito na ang huling araw na paos ako't malugod ko iyong tatangapin, basta pagdilat ko kinabukasa'y kasing ganda na ng tinig ng mang-aawit ang mauulinig na boses. Bukod sa namamaos, wala pa ring patid ang sipon at iyon ang sumira sa masarap kong pagtulog.


February 17, 2015
Tuesday
Year III-048

5v-n. Sa kabila na di karikitan ang kalagayan ko dahil sa walang puknat na pag-atake ng sipon ay nanatiling sing sarap ng buhay mayaman ang pagtulog ko at sa sarap, di namalayang pumatak na ang ikaapat ng madaling araw. Namamalat pa rin ang boses ko hanggang ngayon at hirap magsalita ng tuwid. Nangangamba ako na baka tuluyan nang mawalan ng boses kapag ipinagpatuloy ang pakikipag-usap kaya napagpasyahan kong lumiban muna sa klase, labag man ito sa aking kalooban upang ilaan ang araw na ito sa pagpapahinga. Hindi susi ang pagpapahinga lamang upang mapawi ang pagkapaos kung di naman malalaman at masusolusyunan ang pangunahing dahilan kaya binalak ko ng magpakonsulta sa doktor.

5v-o. Naghahari pa ang antok sa buong pagkatao kaya ipinagpatuloy ko ang pagtulog at mga dakong Alas-sais na ng bumangon. Habang ngumunguya ng agahan ay di pa rin nanunumbalik ang panlasa at tila may sugat ang lalamunan sa oras na lumululon pagkat nakakaramdam ng hapdi. Kahit masama ang pakiramdam ay ipinagpatuloy ko pa ring tumungo sa UST Hospital at mga dakong ikasampo na ng makarating doon. Pagkatungo'y ipinabatid sa akin ng sekretarya na naka-leave of absence si Doctora Dacayan at sa susunod na linggo pa raw ang balik nito. Nadismaya ako sa aking nalaman, ano ba ito at nagpunta lamang sa wala. Hindi ko naman ibig ipagpaliban ang check-up lalo na't lumulubha na ang aking pamamaos at baka mapipi na kapag di naagapan kaya humiling ako sa sekretarya na magrekomenda ng panibagong Doctor. Si Doctor Villaspin ang inirekomenda sa akin na pupwede ngayon subalit ala-una pa raw ang dating nito.

5v-p. Ilang oras pa ang hihintayin kaya nagtiyaga ako sa paghihintay. Sa kakahintay, biglang kumalam ang sikmura ko't sinamantala ang oras sa pagkain. Sumapit na ang Ala-una subalit di  pa dumarating si Doctor Villaspin at namumuti na ang mata sa kakahintay. Karamihan sa kanyang mga pasyente, nauubusan na ng pasensiya't nakakapagbitaw na ng maanghang na salita subalit kinontrol ko pa rin ang emosyon at ipinagpatuloy ang paghihintay. Lumipas na ang isang oras, di pa siya dumarating at maging ako'y nauubusan na ng pasensiya. Ano ba iyang Doctor na inirekomenda sa akin, ang kupad-kupad at dapat sa kanya, sinisibak na sa trabaho pagkat di siya marunong magpahalaga ng oras.

5v-q. Maghihingalo na ang pasyente niya ng di pa siya dumarating. Nang tuluyan ng maubusan ng pasensiya, hindi na nagawa pang manatili at umalis na lamang ako. Nasayang lamang ang pagpupursigi ko na makahanap ng panibagong Doctor. Bago umuwi, naisipan ko munang magtungo sa Computer shop upang gumawa ng Project sa Social Science. Halatang mahirap ang project at di basta-basta subalit di ako sumuko hanggang sa wakas, natapos ko rin. Naghihingalo na ang liwanag ng dumating sa bahay at heto, malatinig palaka pa rin ang boses at masakit ang lalamunan. Hirap ng iyong kalagayan kapag paos sapagkat bukod sa di makapagsalita ng maayos ay wala ka ring kakayahang ilahad kung anuman ang nasa loob. Bakit sa ganitong panahon pa nawalan ang magandang tinig kung kailan may pasok. Sa sama ng timpla, napaaga ang oras ko sa pagtulog.


February 18, 2015
Wednesday

(Ash Wednesday)
Year III-049

5v-r. Bahagyang bumuti ang pakiramdam ko't naibsan rin ang pananakit ng lalamunan subalit nanatiling namamalat ang boses. Kailan kaya babalik sa dati nitong ganda ang tinig ko? Malaungol lang ang tugon ko kapag kinakausap ni ina. Wala pa ang presensiya ni Ma'am Ria ng datnan ko sa eskwela. Isasakripisyo ko sana ang araw upang di ibuka ang bibig, kaso napurnada ng daldalin ng isang kamag-aral, di ko naman maiwasang kausapin sila pagkat iyon ang nagpapaligaya sa araw ko. Sa sarap ng kwentuhan namin, di namalayang may guro na pala sa harapan. Bago magsimula ang klase, may inanunsyo muna si Ma'am. Matinding depress ang namayani sa dibdib ng mabatid na nabibilang lamang ang nakapasa at di maiwasang isipin na kabilang sa mga bagsak. Tila pinanghihinaan na ng loob na mag-aral pagkat napupunta lamang sa wala ang pinaghihirapan, kaso ayaw ako magsisi sa huli dahil lamang sa sumuko ako. Sa oras ng Mental Hygiene, nanood lamang kami ng Video ukol sa isang taong may Eating Disorder.

5v-s. Sa tuwing ipapakita ang kanyang kwarto'y napapatakip na lamang sa labis na pandidiri at dinaig pa ang tapunan ng basurahan sa dumi at kalat ng kanyang kwarto. Mabuti na lamang, di ako nagkaroon ng ganong uri ng sakit at labis na magsa-suffer ang pamilya mo sayo. Sa oras naman ng Math at dahil Ash Wednesday ngayon, tumungo kami sa kapilya upang magpalagay ng abo sa noo. Karamihan sa mga estudyanteng makakasalubong na papalabas ay pawang may abo sa noo na hugis krus at di ko napansing nagsimula nanaman ang panahon ng kwaresma't panahon muli upang pagnilayan ang mga kasalanan. Bumalik kami ng silid matapos magpalagay ng abo sa noo. Panibagong lesson muli ang itinuro sa amin ni Ma'am at kahit todo tutok na ang mata at teynga'y hirap pa ring unawain, umaasa na lamang sa sagot ng kamag-aral ng magkaroon ng Activity.

5v-t. Sa oras naman ng Filipino, nagkaroon muli ng pagpupulong ukol sa paggawa ng Thesis. Sa susunod na linggo na ang Deadline subalit wala pang nasisimulan, paano naman, usap ng usap hindi naman nililinaw kung ano ba ang mga hakbang na dapat isagawa't gulong-gulo ang isipan ko sa kanila, bukod pa roon ay wala din pagkakaisa't di man lang magkasundo sa kagustuhan ng isa kung iyon ay makakatulong naman sa lahat at parating sarili ang iniisip. Sa huli, nagkasundo rin kaming magkakagrupo't sa bahay nila Jed napagkasunduang isagawa ang pagbuo ng Thesis. Maya-maya'y Social Science na't maging sa asignaturang ito'y inilaan din namin ang oras upang pagpulungan ang mga report na itinalaga sa amin. Ibinigay sa amin ni Sir Marvin ang tatlumpung minutong natitira upang mag-break.

5v-u. Pagkababa namin ni Ella, sing kulay muli ng bahaghari ang naging araw ko ng masilayan ko siya't di inasahang magkakasalisi pa kami. Mabuti na lamang at binigyan pa ko ng pagkakataong masilayan si Timothy James at pamatay talaga ang kakisigan nito at ang nakakasilaw pa ang kislap ng kanyang ngiti. Sana'y parating ganito ang aking nararamdaman para ang buhay ko'y punong-puno ng sigla't saya. Sa saya, ibig ko sanang tumili subalit di ko magawa pagkat paos. Sa oras ng English, nagkaroon kami ng mahabang pagsusulit at ng maiwasto, magkakambal na inis at pagkadismaya ang namutawi sa dibdib pagkat di kagandahan ang naging resulta't saan ba ako nagkulang? Paggawa agad ngThesis ang inasikaso ko pagkauwi't halos mawakwak na ang utak sa kakaisip ng isusulat. Mugto na rin ang mga mata ko sa antok dahilan kung bakit di ko na tinapos pa't piniling ipagpabukas na lamang.


February 19, 2015
Thursday

Year III-050

5v-v. Malakas na putok na nagmumula sa labas ang bumasag sa mahimbing kong tulog at ito'y sunod-sunod pa. Inalam ko kung anong klaseng putok iyon. Putok pala ng Fireworks display at ngayon ko lamang napagtanto na Chinese New year pala't holiday kinabukasan. Hinintay ko munang matapos ang putukan bago mahiga muli. Kalat na ang liwanag sa labas ng magkamalay at sa halip na ilaan ang Holiday na ito upang magpahinga'y paggawa ng Project sa Mental Hygiene maging sa Thesis sa Filipino ang nakaatang ngayong araw at di pupwedeng pairalin ang katamaran. Hindi ko nga alam kung makakayang tapusin ang project sa Mental Hygiene, lalo na't nagkataong nagkasabay pa ang panahon ng aming pagpupulong. Ng malamnan ng kape ang sikmura'y diretso tungo ako kila Angelica upang kunan ng litrato para sa aming project. Tulog pa ito ng datnan ko't hinintay ko muna siyang magising.

5v-w. Hindi naman pahirapan sa akin na kunan ng litrato si Angelica with Facial expression. Natutuwa ako pagkat isang larawan na lang ang kailangan upang mabuo ang project. Sa bahay nila Cathy ako sunod na nagtungo. Sa halip na si Cathy ang maging subject ko sa pagkuha ng larawan ay inireto na lamang ang kanyang pinsan at pumayag naman ito. Sa wakas, solve na ang project sa Mental Hygiene at Essay and Photo developed na lang ang kailangan. Nanatili pa ko sa bahay nila't tamang tsika-tsika lamang kahit di pa lubusang napaparam ang pagkapaos. Pagkarating sa bahay, Alas-nuebe na pala't kailangan ko ng magmadali't baka mahuli sa aming pulong. Mga dakong tanghali na ng makarating sa SM Novaliches, lugar kung saan kami magkikita-kita subalit wala pa ang mga kagrupo ko ng datnan.

5v-x. Lumipas ang isang oras, sa wakas at dumating na rin ang mga kagrupo ko't hindi na pinatagal pa ang oras upang tumungo sa bahay nila Jed. Pagkarating sa kanila, nanlaki ng husto ang mata ng makita kung gaano kalinis at kaayos ang kanilang pamamahay at tila malamansyon ito sa lawak. Ni halos madudulas na nga ako sa kintab ng sahig at ang kanilang telebisyon, Flat at mga limampung pulgada marahil ang lapad. Laking gulat ko at di makapaniwala na ganoon kayaman sila Jed. Sa sobrang linis at ganda ng kanilang bahay, iisiping maraming patakarang umiiral sa kanila't tila masasakal ka.

5v-y. Kasing lantod pa naman ng mga tsaring pagala-gala sa kalye kung ako'y kumilos subalit di maipakita sa takot na mabaon ang sarili sa kahihiyan at makapaminsala ng kagamitan. Nananghalian muna kami bago simulan ang paggawa ng Thesis. Matapos kumain, sinimulan na namin ang paggawa nito at sa dami ba naman ng kailangang tapusin, inaasahan ko na maari kaming abutin  ng gabi sa kanila. Kapit-bisig kami sa paggawa ng Thesis at di talaga biro ang ginagawa subalit masaya pagkat nagkakasundo kami sa lahat ng bagay at pagkakataon. Dahil sa pagkakaisa, di pa man lumulubog ang haring araw ay natapos din kami sa Thesis.

5v-z. Sarap talagang manirahan sa kanila't maging higaa'y ibig ihilata ang sarili at marahil ay parating masarap ang tulog ni Jed subalit may sarili akong tahanan na dapat tulugan. Mapalad ang pamilya ni Jed sapagkat di na niya kailangan pa kung anuman ang bagay na wala kami't sana'y matamasa ko rin kung anuman ang kanilang tinatamasa. Sa halip na diretso uwi ay tumungo muna ako sa Sangandaan at naglibot-libot. Halos manlaki ang mata ko't muntikan ng maligaw pagkat laki na ng pinagbago ng lugar na iyon at sumasagi sa isipan ko kung anuman ang mga naging karanasan ng naninirahan pa kami doon at kamusta na kaya ang mga dati kong kaibigan? Malapit ng mag-ikaanim ng makarating ako sa tahanan at sa gutom, diretso kain ako. Sana'y parating ganito ang kulay ng araw ko, maaliwalas at kung magkaroon man ng problema, nawa'y maging matatag ako.


February 20, 2015
Friday
Year III-051

5w-a. Matapos ang ilang araw na pagdurusa mula sa pamamaos ay ngayon lamang naibalik ng lubusan ang ginintuang tinig, kaya masasabi ko na kung anuman ang nilalaman ng aking kalooban ng may pag-iingat. Lahat naman tayo, may karapatang ilahad kung anuman ang nasa loob sa kapwa subalit kailangang isaalang-alang kung anuman ang kahihinatnan ng damdamin ng kausap mo, sige ka baka iyon pa ang maging mitsa ng pagkakaroon ninyo ng alitan at pagkasira ng pakikipagkaibigan at dapat ay iwasan din ang maglahad ng kwento kung di naman makatotohanan pagkat maaring ikasira iyon ng puri ng iyong kapwa. Think before you speak. Sa sarap ng tulog, mga dakong ikalima na ng umaga nagising at mga dakong ikapito naman nakarating sa eskwelahan. 

5w-b. Laking gulat at taka namin ng may pumasok na di kilalang professor at siya si Ma'am Rose na pansamantalang guro namin sa General Zoology at humalili kay Ma'am Eloisa. Medyo may edad na ito't kakikitaan ng pagka-terror kaya makapigil hininga kami ng mga  oras na iyon subalit mahusay magturo, iyon nga lamang ay mabilis at iba ang accent ng kanyang pananalita, di tuloy namin maiwasang tumawa. Respiratory system ang itinuro niya at kahit na magaling magturo ang isang guro kung mabilis naman at di maunawaan, bagsak pa rin ang kanyang grade sa Evaluation at gusto ko pa rin si Ma'am Eloisa. Mga dakong ikasampo na ng tumungo kami sa Laboratory. Dissection muli ng palaka kaya labis ang paghahanda ko sa sarili mula sa nakakasulasok na amoy ng Formalin at huwag sanang maulit ang nangyari ng isang buwan.

5w-c. Si Sir Patrick ang namahala sa amin habang isinasagawa ang pagtuturok ng pin sa bawat parte ng palaka't masyadong mabusisi ang aming trabaho. Kahit nakakasulasok ang amoy ng Formalin, di man lang ako nahilo't tiyaga ang pinairal ko subalit kung kailan lulan ng dyip ay minamalas naman ng lagay pagkat aksidenteng tumagas ang hawak na boteng naglalaman ng Palaka at Formalin, nangamoy Formalin tuloy ako. Mapalad pa rin pagkat di nagreklamo ang kasamahang pasahero't walang ni isa ang napahamak. Kahit amoy Formalin na ko, tumungo pa rin sa Ever upang bumili ng Photo Frame. Daming magagandang Frame na nakatanghal subalit di mabili-bili pagkat di abot kaya ng bulsa, umuwi na lamang ako. Mga dakong gabi ng tumungo ako sa palengke upang bumili ng Frame at swerteng may nabili ako sa murang halaga't pang primera klase pa ang dating.

5w-d. Bago ipihit ang yapak sa tahanan, nanood muna ako ng patimpalak sa may Covered Court at sa dami ng manonood, di pinalad makapasok. Halatang kinakabahan ang mga kalahok habang isa-isang nagsasalita sa harapan at sa kaba, yung iba di na makapagsalita at nauutal na subalit napakailigante't garbo ng kanilang kasuotan. Lalong umingay ang buong kapaligiran dahil sa tili ng mga kababaihan maging binabae ng mga kalalakihan naman ang rumampa't nagmistulang asong natulo ang laway na ko pagkat ang mamatso nila’t sarap dilaan ang Abs. Sa sobrang humaling sa panonood, di namalayang malapit ng mag-ikasiyam at kailangan ng umuwi. May lakad pa bukas para  sa Debut ng kamag-aral kaya maaga akong natulog at di ko mapigilan ang sabik.


February 21, 2015
Saturday

Year III-052

5w-e. Sa pagsapit muli ng panibagong araw ay magkahalong sabik at ligaya muli ang namamayani sa dibdib pagkat ngayong araw idaraos  ang debut ng aking kamag-aral at kaibigan na si Jaimarri na gaganapin sa may Marikina River Banks. Sa tana ng buhay ko'y unang beses pa lamang dumalo sa isang engrande't malasusyal na okasyon, dahilan kung bakit nag-uumapaw ang aking pananabik at sa sobrang sabik, nakaligtaan ko na ngang may gawaing bahay na dapat gampanan. Sa kabila na ako'y nasasabik ay di ko maiwasang kabahan at nagdadalawang isip kung dadalo pa ba, ngayon na wala pa akong napipiling magandang isuot at baka tungkol sa aking kasuotan ang maging laman ng kanilang usapan, nakakahiya. Hindi ko ibig na maudlot ang balakin ko't isa pa'y ayaw ko din biguin di Jaimarri sa pangako kaya gumawa ako ng paraan. Nang ipakonsulta kila Ate ang aking kasuotan, hindi ko lubos ikinasiya ang kanilang komento't tila ipinalabas na di ako nababagay sa isang magarbong okasyon. Kahit na nagkaroon ng kaunting inis sa kanila, di ko naman sila masisi't marahil ay kapakanan ko ang kanilang iniisip kaya pinipigilan nilang dumalo sa debut.

5w-f. Labag man sa aking kalooban ay pinakinggan ko pa rin sila at baka pagsisihan ko kapag kagustuhan ko ang nasunod. Isa pa'y wala ng oras upang makapaghanda kaya buo na ang desisyon ko na di na makakadalo sa kaarawan ni Jaimarri. Ang kaninang sabik sa kalooban, napalitan ng lungkot. Idinaan ko na lamang sa pagpe-Facebook ang nadaramang lungkot. Maya-maya at ng maka-chat si Princess at sabihin ang aking pasya, todo pangungubinsi ito sa akin at ipinabatid na mamayang gabi pa gaganapin ang Debut sa halip na hapon. Nabuhayan ako sa kanyang ibinalita pagkat may panahon pa upang makapaghanda't dinaig pa ng palitan ng piso kung magbago ang aking isip at nanumbalik ang sabik sa dibdib.

5w-g. Matapos mag-Facebook, diretso tungo ako sabarbershop upang magpagupit at halos pumalo na sa sampung pulgada ang haba ng buhok. Maginoong-maginoo akong tingnan matapos gupitan at di kakikitaan ng pagkasilahis. Sasagarin ko na ang pagkalalaki ngayong araw, mahirap man sa kalooban, makadalo lang sa kaarawan ng kamag-aral ko. Bago umuwi, tumungo muna sa bahay nila Auntie Andrea upang manghiram ng black long sleeve subalit bigo akong makahiram. No choice ako kundi isuot ang hiniram na long sleeve kila Auntie Caling pagkat iyon lamang ang pupwede't mayroon ako. Basta't di ito gusot-gusot at idaan sa maayos na postura ang sarili'y wala na silang masasabi sa akin at wala na akong pakialam kung sabihin nilang wala akong taste at baduy. Sa halip na ilaan ang oras na ito para sa siyesta, todo paghahanda ang ginawa ko't tila dadalo lamang sa libing sa halip sa kaarawan pagkat naka-all black attire ako. Tamang kuha lang ng litrato with simple smile and signature post bago tumulak sa bahay nila Princess, napiling lugar kung saan magkikita-kita.

5w-h. Malapit ng mag-ikalima ng marating ko ang bahay nilaPrincess at nadatnang ngayon pa lamang nag-aayos at nagbibihis ang mga kasamahan ko, hinintay ko pa sila. Halos malapit ng kumagat ang dilim ng makaalpas sa Marikina River banks at labis ang pagkamangha ko sa lugar na iyon pagkat mala-palasyo ang dating ng pagdarausan ng party at kabog kaming lahat sa debut ni Jaimarri. Di ko maiwasang mailang pagkat halos lahat sa mga bisitang makakasalamuha, ang didisente at gara ng kasuotan at  bumababa ang tingin ko sa sarili kapag kinokumpara subalit di iyon basehan para maging karapatdapat ka sa ganoong okasyon dahil ang pakikipag-ugnayan mo at kung gaano ka kalapit sa kanya ang siyang mas importante, suwerte ko't nagkaroon ako ng kaibigan na gaya niyang mapagkumbaba kahit di namin ito ka-level sa estado ng buhay. 

5w-i. Habang tumatagal ang unti-unting pagdating ng ilan ko pang kamag-aral at patalbugan ang kamag-aral na babae sa kasuotan. Maya-maya pa, pumasok na kami sa Motel at tila nasa ibang bansa ako dahil pang-Hollywood ang dating ng party at kinuhan muna ng litrato bago tumungo sa table. Jaimarri, ikaw na talaga't wala akong maipintas sa sobrang ganda't engrande ng kanyang debut. Kahit simple lamang ang pamumuhay ko, naranasan ko na kung paano maging susyal at muntikan ng humalakhak sa labis na overwhelm pagkat di inakalang mararanasan ko ito.

5w-j. Mga dakong Alas-siete na ng magsimula ang Program at di maiwasang humiyaw ng 18 roses na't sayang, di ako nakasali. Catering time na matapos ang ilang programa at maging sa pagkain ay susyal at bago lamang sa aking panlasa ang mga nakahaing putahe. Kahit nahihiya'y nilakasan ko na ang loob sa pagkuha't naparami ng husto ang kinain ko. Minsanan lamang itong maganap sa buhay kaya sinusulit ko na ang pagkakataon. Matapos ang kainan, Cotillion na't hanga ako sa kahusayan ni Jaimarri sa pagsayaw. Sa sobrang humaling ko sa panonood ng Cotillion, di napansing malalim na ang gabi, medyo hinihikab na ko kaya kailangan ng umuwi. Kahit di ko natapos ang debut at di ko mismo kaarawan, siksik, liglig at umaapaw pa rin ang saya sa dibdib. Sa uulitin muli.


February 22, 2015
Sunday
Year III-053

5w-k. Eksakto Ala-una na ng madaling araw ako nakarating sa bahay. Nagagalak ako na sa kabila na naging pahirapan sa akin ang humanap ng masasakyan ay matiwasay pa rin akong nakauwi't di pinahintulutan ng panginoon na may mangyari sa 'king masama sa mismong dis-oras ng gabi kaya labis-labis ang pagpapasalamat sa kanya. Balak ko sanang ikuwento kay ina ang tungkol sa naging karanasan ko sa pagdalo sa debut subalit di na nagawa pa pagkat mugto na ang mata sa antok. Diretso hilata ako sa kama matapos magbihis. Kung kailan nakahiga na'y hirap naman makatulog at di maiwasang isipin ang tungkol sa Debut. Sa sarap ng tulog, ako na lamang pala ang tulog sa aming magpapamilya at diretso lantak ng nakahaing almusal. Matapos kumain at kahit medyo nanatili pa ang pagod ay ginampanan ko pa rin ang gawaing bahay, hindi ko batid sa sarili kung bakit ang tamlay-tamlay ko't tila ninakawan ng lakas.

5w-l. Kahit medyo pagod, may kasabikan sa dibdib pa ring nadarama ng buksan ang Facebook account upang i-upload ang mga nakunang litrato sa debut subalit pumalit ang inis sapagkat kusang nagpalit angpassword, hindi ko tuloy mabuksan-buksan at napurnada ang plano. Lingid sa aking kaalaman kung paano nangyari iyon, samantalang tanging ako lang ang nakakaalam. Hindi ko mabatid kung sino ang hinayupak ang sumabotahe saaccount at sa dami ng account na pu-pwedeng i-hack ay ang account ko pa ang napili. Labis ang panlulumo ko sa aking natuklasan at tila namatayan ako subalit walang mangyayari kung di gagawan ng paraan. Hangga't may nakikita akong paraan, ituloy lang at huwag susuko. Kahit sabihing ayos lamang ang lahat, di ko maiwasang manlupaypay sa labis na panlulumo't napanghihinaan ako.

5w-m. Mga dakong hapon ng tumungo ako sa Computer shop at panay ang pagkukumahog sa paggawa ng paraan, maibalik lang sa dati ang account subalit di tumalab at nauwi lamang sa wala. Tanging si Kuya Denver na lamang ang solusyon sa aking pinoproblema kaya dali-dali akong tumungo sa kanila matapos umupa subalit ipinabatid sa akin na may pinuntahan ito. Umuwi akong lugmok na lugmok ang mukha. Upang di tuluyang lamunin ng lungkot, idinaan ko na lamang sa panonood ngComedy show at tila limot mo ang problema kapag ikaw ay masaya. May nakapagsabi na ang problema, pwede mong tawanan subalit di maaring talikuran sapagkat naririyan pa rin kapag di mo sinusolusyonan. Kahit sabihing maliit na bagay lamang ang pagkawala ng  Facebook Account ko, di nila alam kung gaano ito kahalaga sa akin at di basehan kung gaano man kalaki o kaliit ang problema kundi sa kalakip nitong halaga na mawawala sa iyo. Laki talagang kawalan sa akin ang pagkawala ng account.


February 23, 2015
Monday

Year III-054

5w-n. Gawa na may Practice lamang sa PE ang mga kamag-aral ko at pagsisimula ng Foundation week ng pinapasukang unibersidad ngayong araw ay nagpasyang huwag ng gumising ng maaga. Sumikat na ang bukangliwayway ng ako'y magising at bumangon at anong sigla muli ang naghahari sa dibdib, sa kabila na di ko pa rin matanggap ang nangyari kahapon. Mistulang may nagaganap na Festival dahil nakasuot ng salakot at sumbrerong yari sa abaka ang mga Estudyante ng datnan ko pagkadako sa Campus at doon pala gaganapin ang kanilang practice. Sa dami ng mga estudyanteng kalahok sa sayaw ay abot na hanggang labas ng Campus ang haba ng pila't pahirapan sa akin na matunton ang mga kamag-aral. Pagkatunton ko sa kanila, nagkakulay muli ang araw ko't lalo pang sumidhi ang nadaramang ligaya ng makita ko muli ang taong nagpapatibok ng puso at saktong nakatambay pa sa di kalayuan kung saan nakapwesto ang mga kamag-aral ko. Marahil ako ang kanyang inaabangan at may pagkakataon na sanang lapitan subalit hiya muli ang pumigil.

5w-o. Mabuti na lamang at hindi ako kasali sa sayaw pagkat kung nagkataon, baka di na niya mapigilan ang tumawa't masagwaan sa akin. Pasimpleng tingin ako sa kanya habang nag-eensayo ang aking kamag-aral at kahit di ko man lang siya nakausap, kuntento na ko na makita siya ng matagalan at tila yelo ako kung matunaw sa tuwing lumilingon ito sa akin. Maya-maya pa'y tumungo na kami sa Athletic Center. Halos lamunin na ko ng hiya pagkat ako lamang bukod tanging nakauniporme subalit di naman nasita. Tamang laro lang sa Android phone habang hinihintay si Sir Bermundo upang di lamunin ng pagkabato't lumipas ang ilang sandali, dumating na si Sir Bermundo't may ilang bagay lang itong sinabi. Habang kami'y naglalakad patungo sa silid ay laking tuwa namin ng ipabatid ng ilang kamag-aral na walang klase mamayang hapon dahil pawang abala ang mga guro para sa Foundation.

5w-p. Tila napakasuwerte ng araw na ito para sa akin pagkat maaga ang uwian. Bago umuwi  sinamahan ko muna si Anne Rose sa SM upang bumili ng Picture Frame. Habang lulan ng dyip, natuklasan kong nawawala ang pitaka. Nakakahiya man, nangailangan ko ng mangutang sa kanya maging kila Ella pagkabalik namin sa eskwelahan. Busilak naman ang kanilang kalooban kaya di pahirapan sa akin na pautangin. Ang inakalang masuwerte ang araw na ito, nagkakamali pala. Anong init sa labas ang sumalubong habang ako' y pauwi't tila hudyat na nga na magsisimula na ang panahon ng Tag-init.

5w-q. Kasabay naman ng Summer Season ang pagkakaroon ng Electric Shortage na inaasahang mangyayari't malamang ay tagaktak ng husto ang ating mga pawis at iibigin mong parating kumain ng halo-halo. Kanina pa umiinda ang sikmura ko sa gutom kaya diretso kain pagdating sa bahay. Matapos kumain, tumungo ako sa bahay nila Kuya Denver at suwerteng naroroon siya. Napanghinaan ako ng loob sa kanyang sinabi na maliit na lamang daw ang tiyansang mai-recover ang aking Facebook account subalit tila nabuhayan muli ako ng ipangakong gagawan niya ng paraan. Napagsarhan man ako ng pintuan at nawa'y may magbukas ng bintana. Kahit ganoon ang kanyang mga sinambit, nanatiling buo pa rin ang pag-asa kong malalampasan ang problemang aking kinakaharap.

5w-r. Mga dakong gabi ng bumalik ako sa kanila at wala pa ring pagbabago sa Account ko pagkat di pa rin makapag-log-in at hirap talaga ng kalagayan bilang Social Website user kapag account mo'y na-hack at laking pagsisi ko pagkat kung sino-sino kasi ang ina-add. Maya-maya biglang inutusan ako ni Kuya Denver na kumuha ng ID at Birth Certificatepagkat iyon ay requirements upang ma-identify ng Facebook agency na ikaw ang nagnamay-ari ng account na iyon. Dali-dali akong tumungo sa bahay at aligaga kami sa paghahanap ng Birth certificate. Kahit na mukha na kong buwang sa pagkukumahog, wala na kong pakialam basta't maibalik lang ang Account ko. Pagkahanap ng Birth certificate, kaagad kong ibinigay kay Kuya Denver at tanging Verification na lamang ang hinihintay ng ma-isumite niya ang mga hinihinging requirements at labis ang Stress ko sa lintik Facebook na iyan.


February 24, 2015
Tuesday
Year III-055

5w-s. Gusto ko pang matulog ng matagal pagkat medyo inaantok pa, labis na panghihinayang sa pagkawala ng Account ang siyang pumipigil sa akin upang bumangon subalit lahat ng iyon ay nilabanan ko't di hahayaang magpanaig. Habang lulan ng dyip patungo sa eskwelahan ay panibagong kamalasan muli ang dumatal sa buhay ng mapansing tumatagas na ang dalang Formalin mula sa bote. Pagkatingin, di pala maayos ang pagkakasara't maraming tubig Formalin na ang nawala sa aking specimen. Mukhang nagkakasunod-sunod ang kamalasan ko sa taong ito't katangahan talaga ang maglalagay sa akin sa peligro. Tila nanggaling ako sa Embalsamo ng mga patay pagkat amoy Formalinako pagkapasok at idinaan lamang sa pa-spray ng pabango upang mapawi ang amoy. Buti na lamang at walang ni isa sa mga kamag-aral ko ang nahilo. Ilang sandali pa, pumasok na si Ma'am Eloisa. Ganadong-ganado ang mga kamag-aral ko sa pakikinig pagkat tungkol sa Sex Organ ang tinalakay ni Ma'am at kahit mature na ang pag-iisip ay hindi namin maiwasang tumawa sa oras na may nababangit na term si Ma'am Eloisa.

5w-t. Kapag binanggit mo sa Tagalog, bastos agad samantalang ayos lang pakinggan kapag English o Anatomical Term at tama si Ma'am, di dapat tayo ganoon mag-isip kung ikakatuto naman natin sa huli. Yung iba kasi, masyadong Green-minded at wala na sa lugar kung mag-react kapag nakakarinig ng maselang katawan. Hindi naman masama angSex, basta't pinapahalagahan mo ito. Matapos ang discussion, tumungo na kami sa Laboratory at kanya-kanya ng palit ng laboratory Gown. Isasabak ko nanaman ang sarili sa nakakasulasok na amoy ng Formalin at dinoble na nga ang paglalagay ng tapal sa Ilong upang di malanghap ang Formalin. Maya-maya pa'y sinimulan na namin ang pag-dissectsa Palaka't kakikitaang nahihirapan at nandidiri yung iba. Mga dakong Alas-onse na ng matapos kami sa Dissection ng Palaka.

5w-u. Masaya at kakaiba pala ang pagdaraos ng Foundation dito sa Our Lady of Fatima University pagkat iba't ibang estudyante mula sa iba't ibang paaralan ang bumibisita't tila kay sigla ng turismo ngayong linggo. Naisipan muna naming tumungo sa Open House bago umuwi't daming bootna pwedeng salihan at talagang mag-e-enjoy ka, mistulan na ngang peryahan ang Open house pagkat may mga payasong taga-aliw at pwede mo pang maipakita kung anong talentong taglay mo. Sa sobrang humaling ko sa panonood, nahuli ng isang oras sa pag-uwi't diretso Siyesta matapos mananghalian. Kinagabihan at gawa na walang pasok kinabukasan, pinuyat ko ang sarili sa panonood ng Video. Grabe at di ko magawang itutok ang mata sa panonood pagkat nakakatakot at mapapatili ka ng husto. Parang di tuloy ako makatulog sa tuwing maaalala ang napanood na eksena.


February 25, 2015
Wednesday

(People power Revolution)
Year III-056

5w-v. Paggunita sa isa sa pinakamakasaysayang araw na tumatak sa isip ng masang Pilipino at siya rin naging daan upang makalas ang pagkakagapos natin mula sa malupit at mapang-alilang administrasyon. Nag-alsa nga sila ng panahong iyon subalit tila di pa rin makamit ang hinahangad na demokrasya at katahimikan sa aking pakiwari't lalo pa ngang umiigting at dumadalas ang mga kaguluhan na siyang humahantong kung bakit marami ng buhay ang nasasayang katulad ng pagpaslang sa SAF 44. Kung di lang naging pabaya si Noynoy, di sana iyon mangyayari at walang mauulila. Kung puro palpak din lang naman ang nagiging resulta ng kanyang aksyon, mas maigi ng bumaba na sa pwesto't huwag ng hintayin pang magkaroon ng EDSA 3. Holiday nanaman para sa aming mga estudyante kaya maligaya muli ang araw pagkat di maagang magigising.

5w-w. Malapit ng pumatak ang ikawalo ng ako'y magising. Matapos kumain ng agahan at gawa na ako'y nababato, gawaing bahay muli ang inatupag ko. Habang abala sa pagwawalis, may naulinig akong tila may tumatawag sa aking ngalan. Si Ate Mimi pala iyon at humihiram ng kutsara. Palaisipan sa akin kung aanhin niya ang hinihiram na kutsara't pagkalabas at iabot sa kanya, basta na lang ito napahalakhak. Kutsara pala ng semento ang hinihiram di kutsara para sa pagkain.  Labis akong napahiya sa kanya't tinawanan na lang ang aking katangahan.

5w-x. Kahit napahiya ako, may maganda pa ring naidulot sa kanya sapagkat napligaya ko ito. Kaya minsan, maigi rin na magmukha kang tanga at katawa-tawa, atlis may tao kang napapaligaya kaysa naman sa nasasaktan mo sila. Iyan kasi ang problema sa iba, parating sarili ang iniisip kaya di na nagagawa pang magpaligaya ng kapwa't di na rin marunong makiramdam. Di naman natin sila masisi kung ayaw mapahiya't huwag ka dapat matakot kung may mabuti namang idudulot. Sarili ko ito't wala ng maari pang dumikta sa aking naisin. Ng makapaglinis ako sa buong bahay, paglalaba naman ang sunod kong inatupag.

5w-y. Matapos maglaba, tumungo naman ako sa labas at nagkumpyuter. Sa sobrang humaling ko sa pagkukumpyuter, di namalayang dalawang oras ng nakakalipas, lumaki tuloy ang bayarin sa renta at sa laki, di kinaya ng dalang pera at kinailangan ko pang mangutang. Balak ko pa sanang dumeretso sa bahay ni Kuya Denver upang alamin kung may nagbago ba aa galaw at kondisyon ng Facebook account subalit hiya ang pumigil sa akin. Wala talagang mangyayari at di mo makakamit ang gusto kapag parating hiya ang pinapairal. Mabuti na rin na minsan makapal ang mukha, atlis confident silang gawin ang naisin. Kinahapunan, pamamalantsa naman ng uniporme  at damit ang inatupag ko't sa dami, muntikan ng abutin ng gabi, kahit paano'y nalilinang na ang kakahayan ko sa pamamalantsa. Kapag may bagay kang gustong matutuhan o makamit, tiyaga ang kailangan sa pagtahak ng mga hakbang upang makamtan mo iyon at dapat, samahan mo ng pananalig sa Diyos. Basta kay God, all things are possible.


February 26, 2015
Thursday

Year III-057

5w-z. Another day na walang pasok pagkat itong araw ang natakda sa amin upang magpahinga. Maliwanag na sa labas ng ako'y bumangon at habang nagkakape, Kaaga-aga'y muling nagpasiklab ng galit si ina at di ko mabatid kung bakit ganoon na lamang kabilis uminit ang ulo niya, samantalang nilalahad ko lang naman ang opinyon ko. Ang araw na dapat sana'y magiging makulay at maligaya, nabahiran ng pagkayamot dahil sa mga salitang kanyang binibitiwan sa akin at napakarami niyang sinasabi. Kahit patahimikin mo, di pa rin titigil at dinaig pa ang bunganga ng manok kung pumutak. Dahil sa nagkakaedad na, inunawa ko na lang siya't di na sinagot-sagot pa pero di maiwasang sumama ang loob sa kanya. Sa tindi ng hinanakit sa kanya, wala naman akong taong maaring kausapin upang mailabas ang galit kaya naisipan Kong tumungo sa bahay nila Cathy, nagbabakasakaling huhupa ang pagkulo ng dugo ko.

5x-a. Abala si Cathy sa pagliligpit nun ng datnan ko at sa sobrang aliw ko sa kanya habang nakikipagkwentuhan, nakaligtaan ko na kung ano ang ilalahad ko sa kanya't tila bulang naglaho ang kaninang namamayaning ngitngit sa dibdib. Kahit di mo nailabas ang sama ng loob, kusang maglalaho kapag lumagay ka sa lugar na masaya. Nanatili pa ko sa kanilang bahay hanggang sa magtanghali't nakakatuwang bata si Janna. Sa edad na apat, nakakaya na niyang makipagnegosasyon sa mga mamimili't bukod pa dun ay marunong-runong na rin magsulat at kumilala ng bawat letra. Saka pa lamang naisipang umuwi ng tuluyan ng lumamig ang kalooban. Pagdating sa bahay, nadatnan kong abala sa paglalaba ang Aling Juliet, wala naman magawa kaya tamang palitan lang kami ng kuro-kuro sa isa't isa.

5x-b. Mabuti pa siya, kahit di ko kadugo, nagagawa niya kong kausapin at di napapanis ang laway ko sa kanya. Sa sipag ni Aling Juliet, kahit paspasan ko siyang dinaldal, natapos pa rin ito sa paglalaba. Si ina naman, dumali nanaman at muli, ako'y kanyang binungangaan dahil lamang sa katiting na aking pagkakamali. Sige wala na akong ginawang tama sa kanya! Maging pag-uusap namin ni Aling Juliet  ay nilalagyan niya ng kamalian. Kapag siya dumaldal na tipong rinding-rindi na ko, hinahayaan ko lang. Hilig niya kong pagsabihan sa isang bagay na ginagawa niya rin naman at kakasawa na! Kaninang umaga, pinaglagpas ko ang kanyang mga sinasabi pero punong-puno na ko at may hangganan din ang pagtitimpi.

5x-c. Sa yamot, di ko na siya nagawang respetuhin pa't nakapagbitaw na ng di magagandang salita. Sa bawat ikilos ko at lahat na lang, parating may naririnig sa kanya. Parang wala na kong ginawang tama para sa kanya! Sobrang sama talaga ng loob ko ng mga oras na iyon at parang sasabog na ko sa tindi ng galit. Habang kinikimkim ang poot sa dibdib ang biglang pagtungo ni Kuya Denver sa bahay. Parang bulang naglaho ang galit sa dibdib at pumalit ang tuwa ng ipabatid niya sa akin na nai-recover na ang Facebook Account at maari ng buksan. Nabulaga ako ng ipabatid niyang may bayad at labis ang pagtataka ko. Sa mahal, tatangi sana ako subalit hindi na pupwedeng bawiin pagkat nagawa na niya at nakakahiya naman kung mapupunta lang sa wala ang kanyang effort.

5x-d. Pumayag pa rin ako kahit makabutas bulsa na ang kanyang singil. Mabuti na lamang at pumayag itong hulog-hulugan. Naibalik nga ang Facebook account ko, kapalit naman ang paghihigpit ng sinturon, may maipangbayad lang sa kanya. Tila naging maayos na ang lahat ng maghulog si ina ng isang-daan. Lumipas ang halos isang linggo, ngayon ko lamang nabuksan ang Account at buong maghapon ay pag-online sa Facebook ang inatupag ko. Kinagabihan at gawa na may pasok muli kinabukasan, mas maaga pa sa alas-kwatro ang pagtulog ko. Hindi naman makatulog pagkat sadyang napakaalinsangan ng gabi't patuloy siyang tumatatak sa utak. Dati, Masaya na ko kahit nakikita lamang siya subalit nagbabago na ang hangarin ko sa kanya, tila gusto ko na siyang katabi sa kama.


February 27, 2015
Friday
Year III-058

5x-e. Kasalungat ng kagabi ang nararanasang lamig ngayong madaling araw at sa tindi ng namamayaning antok ay hirap pang iawat ang sarili sa pagtulog subalit pinilit pa ring dumilat at bumangon. Payapa at maayos na sana ang umaga ko ng muling dumakdak si ina dahil lamang sa napabayaang nakabukas ang bintana't kay liit-liit ng bagay, masyado niyang pinoproblema. Hindi ko na ibig pang makipagsagutan sa kanya kaso siya itong mapilit at maging pagpapaayos ko ng Facebook account kay Kuya Denver idinawit niya. Sa puntong iyon, muling nanumbalik ang inis sa dibdib at kaka-badtrip. Gusto ko na ngang pasakan ng bulak ang teynga pagkat rinding-rindi na sa pagbubunga niya. Puro na lang sermon ang abot sa kanya, ba't di na lang idaan sa masinsinang pag-uusap kung may kinakaayawan o dapat siyang itumpak sa akin. Hinayaan ko na lang siya upang di na lumala pa ang sitwasyon.

5x-f. Pagdating sa eskwelahan, laking gulat at pagsisisi ko sapagkat nakaligtaang may takdang-aralin sa General Zoology. May pagmamadali ako sa paggawa ng assignment habang di pa pumapasok si Ma'am Eloisa at labis akong na-pressure. Ng pumasok si Ma'am, ipinabatid niya na di siya makakapagturo pagkat may meeting itong dadaluhan. Gawa na wala namang ibang gagawin sa buong oras niya, binigyan niya kami ng panahon upang tapusin ang takdang-aralin. Nagsitungo na sa Library ang mga kamag-aral ko at kaming apat lamang ang naiwan sa silid. Habang aligaga sa paggawa ng Takdang aralin ay bigla Kong naramdaman ang paghilab ng sikmura't tila madudumi ako. Pagkalabas, masamang hangin lang pala't naibsan ang pananakit ng tiyan ng mailabas ang masamang hangin.

5x-g. Ang daldal ng mga kasamahan ko at sa daldal, hindi ko halos matapos-tapos ang gawain pagkat napupunta ang konsentrasyon ko sa mga kuwento nila. Nang mapansing pumapasok na ang ibang estudyante, saka lamang kami lumipat sa Library at doon ipinagpatuloy ang paggawa. Sa dami, tila malabong matapos ang takdang aralin. Maya-maya pa'y tumungo na kami sa Laboratory. Nagdala-dala pa kami ngSpecimens maging mga Apparatus tapos di naman pala tuloy angexperimentation at nakadagdag lamang sa aking dalahin. Maging sa buong oras ng laboratory ay wala kaming ibang inatupag kundi  maging abala sa paggawa ng takdang-aralin. Matapos at pagkababa, natuklasan kong nawawala ang isang daan ko, hindi tuloy ako Nakapananghalian at nagtiis na lamang sa gutom. Bakit pa kasi nawala ang pera ko, samantalang inilagay naman sa tamang lagayan.

5x-h. Sa kadahilanang magsasagawa kami ng sarbey sa Novaliches, hindi muna kami umuwing magkakagrupo sa thesis at piniling manatili sa labas ng laboratory habang hinihintay matapos ang klase ni Jed. Makalipas ang halos dalawang oras na paghihintay, sa wakas at natapos din ang klase ni Jed at saka lamang kami dumako sa Novaliches. Sa Holy Child Elementary School namin naisipang isagawa ang Sarbey at labis kaming saka na sakal pagkat daming bawal. Malapit ng mag-ikalawa ng matapos kami sa pagsu-Survey. Matinding init ang sumagupa sa amin habang binabagtas ang kahabaan ng Quirino Highway at sakit sa ulo ang abot ko.

5x-i. Sa pagod, pagkauwi'y diretso Siyesta kaagad ako't malapit ng dumilim ng magising. Anong ganda ng kwentong natunghayan ko sa Oz the Great powerful sapagkat kung sino pa ang Witch na pinaghihinalaan niya ng masama, mabuti pala't siya pa ang tumulong kay Oscar upang pabagsakin ang dalawang Wicked witch na sa una'y nagpanggap na mabait at pinangakuan pang mapapasakanya ang kayamanan ng kaharian kapag napaslang nito si Glinda, The good witch of South. May hawig din ang kwentong ito sa Wizard of Oz kaya gustong-gusto kong panoorin at maraming aral kang natutuhan. Huwag basta-basta magtiwala lalo na kung di mo naman kilala at huwag din basta-basta manghusga ng kapwa, dahil lamang sa iyon ang nakikita mo sa kanya.


February 28, 2015
Saturday

Year III-059

5x-j. Huling araw na para sa buwang ito't malapit ng sumapit ang ikawalo ng umaga ng ako'y magising. Hindi pa nga sumasapit ang tanghaling tapat, dama na kaagad ang matinding init at tila hudyat na nagsisimula na ang Summer Season. Batong-bato muli ako ngayong umaga't walang kabuhay-buhay, idagdag pa ang matahimik na kapaligiran at nakakabigay lumbay kung ganoon, naisipan kong magpatugtog. Tila nalilimot mo kung anuman ang 'yong pinagdaraanan kapag nakikinig ka ng masasayang awitin at sumisigla ang umaga ko. Dahil sa tugtog ay ganadong-ganadong gawin ang gawaing bahay. Paglalaba ang sunod na inatupag matapos ang gawaing bahay. Kay aliwalas talaga ng panahon kaya magandang pagkakataon upang makapagpatuyo agad ng sinampay. Pagsapit ng tanghali, malapugon ang init ng panahon at pwede ka ng maglaga ng itlog sa bubong. Sa kadahilanang nasa Shopping Center ang ilaw ng tahanan, ako muli ang naatasang magbantay sa tindahan.

5x-k. Hirap talagang labanan ang konsensiya kung ito'y malinis at sa bawat baryang dumadampi sa palad ay lakas loob itong binubulsa. Inaamin ko na masama ang aking ginagawa subalit tanging iyon lang ang paraan upang makapag-ipon at may maipangbayad kay Kuya Denver. Ang tindi talaga ng epekto ng Facebook sa akin at nagagawa ko ng mangulimbat para lang diyan. Patawarin nawa ako ng maykapal sa aking mga pagkakasala at di bale, kapag natapos ito, babawi ako't magsisimba na parati. Sa panahon ngayon na gipit na gipit  kailangan talagang kumapit sa patalim. Kahit naghahari na ang antok at gusto nang mag-siyesta, nilabanan ko iyon, magkaroon lang ng tagabantay sa tindahan at aminado ako, na ako'y isang bantay salakay. Habang di na makipirmi sa pagtitinda sa sunod-sunod na mamimili'y biglang nagkaroon ng black-out. Init-init na nga ng panahon tapos nawalan pa ng kuryente't walang magagawa kundi batain ang init.

5x-l. Saka lamang ako nagkaroon ng pagkakataong lumayas ng dumating si ina at sa bahay nila Angelica naisipang bumisita. Tamang kwentuhan lang kaming dalawa't mistulan akong nasa Comedy bar dahil dami kong tawa sa kanya. Habang masaya ang aming pag-uusap ang biglang pagtawag sa akin ni Cathy at palaisipan sa akin kung ano ang sasambitin. Sa sabik, itinigil ko muna ang pag-uusap kay Angelica at dali-daling tumungo sa kanila. Nandoon pala si Jonabelle ng datnan ko't abalang-abala ang mga ito sa paggawa ng Project. Naiingit ako sa kanila pagkat nag-aaral sila ng mabuti't di mahilig bumulakbol. Nanatili pa sa kanila hanggang sa kumagat ang dilim at medyo nakakaramdam man ng hiya ng alukin sa kanila na maghapunan, kinapalan ko na ang mukha dahil sa gutom at kay bukal ni Ate Ging sa bisita.

5x-m. Medyo minalas lang ako sapagkat ng pagkahakbang ko, aksidenteng nasagi ang upuan kung saan kumakain si Janna at nabasag ang baso. Pahiyang-pahiya ako ng mga oras na iyon at panay ang hingi ng tawad kay Ate Ging. Pasalamat na lamang at di nasugatan si Janna't perwisyo pa sa kanila kung nagkataon. Di kasi nag-iingat sa kinikilos kaya iyan, nakapinsala ako ng gamit ng iba. Labis ko talagang sinisisi ang sarili sa nangyari. Sinamahan pa namin si Jonabelle sa pag-uwi't habang pabalik kami ni Cathy, may grupo ng mga kalalakihang lumapit at walang hiyang pinagkatuwaan kami. Di na dapat namin sila papatulan subalit sa inis, nakipagsagutan na sa kanila. Makapamintas kala'y kung sinong magaling at gwapo, puro hangin lang naman ang pinagsasabi.

5x-n. Umuwi akong may yamot sa dibdib at di dapat pinagpapala ang mga taong mahilig manghamak ng katauhan ng iba, bagkus ay tinuturuan ng leksyon. Gawa na naibalik na ang kuryente, panonood agad ng telebisyon ang inatupag ko pagkauwi't makapukaw damdamin  ang naging kwento sa Magkapakailanman pagkat tungkol iyon sa mga matatandang iniwan na ng mahal sa buhay at nanunuluyan na Home for the Aged. Hanga ako sa ipinakita ni Lola Tina, na sa kabila na takip silim na ang kanyang buhay at nag-iisa, pinatunayan niya na may silbi pa rin sila't may karapatang lumigaya. Ang iba sa atin, kapag matanda na, hinihintay na lang bawian ng buhay at napanghihinaan na ng loob na makibaka sa buhay. Siya hindi ganoon ang pag-iisip at naging determinado pang pasayahin ang mga kasamahang matatanda kahit mahirap. Kung ako darating sa ganong kabanata ng buhay, maging gaya ko sana siya't ipagpatuloy ang buhay kahit matanda na.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento