Sabado, Enero 31, 2015

25. January 2015 Journal (Day 731-761)

January 01, 2015
Thursday
(New Year's Day)
Year III-001

5o-e. Sa pagsapit ng Alas-dose ang pagliliwanag ng buong kalangitan dahil sa makulay at mailaw na Fireworks Display. Iba't ibang uri rin ng mga paputok ang sabay-sabay na sinindihan at kanya-kanya ng paraan ng pag-iingay. Pumasok na nga ang Bagong Taon at naging napakaingay ng buong kapaligiran. Bumuhos man ang ulan, hindi pa rin nito napigilan ang mga kababayan na magpaputok upang salubungin ang Bagong Taon. Sa halip na sa sariling bahay ay sa Recrap kasama ang mga kaibigan naisipang salubungin ang Bagong Taon at kitang-kita ang mga paputok sa kalawakan na animoy ang lapit sayo. Kung ikukumpara ng nakaraang taon ay mas kakaunti ang paputok ngayong 2015, pero gayunpaman ay masya pa rin ang Bagong Taon. Matapos ang putukan, saka pa lamang ako umuwi at habang naglalakad ay di na makahinga at maaninag ang kapaligiran sa kapal ng usok. Matapos kumain ng handa at sa pagod, diretso ako sa pagtulog.

5o-f. Sa lamig na nararanasang panahon ay iyon ang nagpasarap sa tulog namin, kung kaya malapit ng mag-ikawalo ng ako'y magising. Sa pagsilip ko sa labas ay balot pa rin ng napakakapal na usok ang kapaligiran at halos di maaninag ang mga nasa paligid nito. Ang mga tirang handa ng nagdaang Media Noche ang aking naging agahan at sa dami ay swak na swak ito sa kumakalam na sikmura. Bagong taon, pero tila nagdadalamhati ang panahon sa kulimlim nito at nagbabadya marahil ang ulan. Sa buong umaga ay wala akong ibang ginawa kundi ang magbantay sa tindahan. Medyo nangangawit na nga ang paa sa kakaupo.

5o-g. Kinatanghalian at kakapasok pa lamang ng panibagong taon ay may insidente ulit ng sunog na nagaganap sa kasalukuyan. Kaawa-awa ang kanilang kalagayan at di maganda ang pasok ng taon pagkat sila'y nasunugan at sa mismong unang araw pa ng Bagong Taon nangyari. Sa lawak ng nasakop na sunog ay maraming kabahayan ang lubhang natupok at kakaunti lamang ang kanilang naisalba. Laman din ng malalaking balita ngayong Bagong Taon ang mga nasabugan ng mga paputok at ang ilan sa kanila, kalunos-lunos ang sinapit at halos wala ng matirang daliri pagkat lasub-lusob ito. Parang ayaw kong tumingin at kakilakilabot-kilabot habang aktwal na pinuputol ng Nurse ang napinsalang daliri ng bata.

5o-h. Pasalamat na lamang at sa kabila na ako ay nagpapuputok upang salubungin ang Bagong Taon ay kumpleto pa rin ang mga daliri ko at nasa pag-iingat at responsable ang paggamit ng mga paputok. Naging maulan sa maghapon dahilan kung bakit di muli makagala at piniling manatili na lamang sa bahay. Pagkulwit ng sariling Android phone ang aking pinagliwaliwan habang bagot na bagot. Lalo pang sumidhi sa pakiramdam ang malamig na panahon sa pagsapit ng hapon kaya di ko mapigilang mangatog at nagsuot na nga ng saplot sa paa upang maibsan ang nadaramang ginaw. Tapos na ang pagsalubong sa Bagong taon pero may mangilan-ngilan pa rin dito sa amin ang nagpapaputok at ang lalakas pa. Titigil lamang iyang mga teroristang kabataan kapag ang napala ay disgrasya. Gawa na di pa dinadalaw ng antok, naisipan ko munang manood ng Video. Mga dakong ikasiyam na ng maisipang matulog at kay lamig talaga ng aming nararanasan. Nawa'y maging maganda at maayos ang takbo ng aking buhay ngayong taon at kung may problema mang dumaan, pagtibayin nawa ng maykapal ang aking kalooban at makakayang kaharapin iyon. Happy New Year!


January 02, 2015
Friday
Year III-002

5o-i. Pangalawang araw para sa taong ito at kahit sumikat na ang haring araw sa labas at tirik na tirik, naghahari pa rin ang lamig sa buo kong katawan. Mainit-init na kape ang naging agahan ko at upang maibsan na rin ang lamig sa katawan. Naging kabagot-bagot ang umaga ko kung kaya naisipang makinig ng musika at lalo pa kong ginaganahan sa gawaing bahay kapag may awiting kay riktan at kaaya-ayang dinggin. Sa kakakilos ay bahagyang nabawasan ang ginaw na bumabalot sa katawan at tumagaktak pa nga ang pawis. Sa dami ng aking ginawa, nakaramdam ng kaunting pagkahapo, pansamantala munang naupo. Maya-maya, naisipan kong maupo sa labas at pagbabantay sa tindahan ang naging libangan habang walang ibang pinagkakaabalahan.

5o-j. Ang kahapong tila malabiyernes Santo ang kalagayan ng panahon ay kasalungat naman ngayon na masiglang-masigla at halos matupok na nga kung sinuman ang magbilad sa tindi ng init at animoy Summer Season na kahit di pa natutuldulkan ang panahon ng taglamig, bukod sa maalinsangan ang kondisyon ng panahon ay naging mahangin din at halos di ko na ninanais pang huminga pagkat nakakalanghap na ang alikabok. Ang mamimili, napakatumal ngayong araw pero galak pa rin ang naghahari sa dibdib at umaasang sisigla ang bentahan maya-maya.  Kung kailan naman pumasok na ko sa bahay at abalang-abala sa ibang bagay ay saka naman nagsidatingan ang bulto-bultong mamimili at sunod sunod pa, sadyang mapaglaro ang pangyayari at di ko batid kung bakit ako pa ang napiling paglaruan. Naantala tuloy ang aking gawain dahil sa mga bumibili.

5o-k. Pagsapit ng hapon at kakagaling ko pa lamang sa Siyesta ay nagtungo na agad ako sa Computer shop. Sadyang at punuan na ang Computer shop na di naman kalayuan mula sa amin, napalayo pa tuloy ako. Ilang shop na ang napuntahan at napagtanungan ko pero sa kasamaang palad, wala akong mahanap na may bakante. Hindi pa rin ako sumuko sa paghahanap at kinalaunan, pinalad na ring makahanap ng may bakante, medyo may kaingayan nga lang at ang gugulo pa ng umuupa. Sa sobrang humaling, inabot na ko ng dilim sa pag-uwi. Habang sarap ang bibig sa paglantak ng hapunan ay may kakaibang ingay akong narinig sa labas at mukhang nagkakagulo na, lumabas ako't kumpol-kumpol ang dami ng mga bata sa labas, may nagsasapakan pala at pawang mga menor de edad lamang.

5o-l. May gatas pa sa labi ang katayuan nila sa buhay pero dinaig pa ang bangis ng tigre at Leon kung umasta at di ko batid kung bakit ganoon ang pag-uugali ng mga bata dito sa amin, parang mga walang magulang at ang lulutong pa magmura. Kabataan ang pag-asa ng bayan pero mukhang di magkakatotoo. Ipinagpatuloy ko ang paglantak nang pagkain ng humupa ang kaguluhan. Gawa na hindi pa naghahari ang antok, naisipan kong manood ng Comedy film. Ang kukulit ng bawat eksena sa palabas kung kaya di ko mapigilang humagalpak ng todo kaso sa ingay ko, nabulahaw sila Mama at nasira ang galak sa dibdib ng masermunan. Marunong naman akong makiramdam, kaya pagngisi na lamang ang ginawa sa tuwing natatawa. Matapos manood, saka ko pa lamang naisipang mahiga subalit di pa talaga ako inaantok.


January 03, 2015
Saturday

Year III-003

5o-m. Malapit ng mag-ikawalo ng nagmamadaling umaga ng ako'y magising. Lubhang napakalamig ng panahon at sa lamig, tila gusto pang mahiga at ibalot sa napakakapal na kumot ang sarili. Nilabanan ko ang aking katamaran at kaagad na nilamnan ng mainit na kape, upang sa ganoon ay mapawi ang naghaharing ginaw sa katawan. Kumpara ng mga nakalipas na araw ay mas masidhi ang nararanasang ginaw kung kaya halos lahat sa amin, nakasuot ng makakapal na kasuotan, paano pa kaya ang mararanasang ginaw kapag nasa Baguio ka, paniguradong hindi mo nanaising manatili ng matagal pagkat ika'y maninigas. Nakakawala ng ganang magkikilos-kilos kapag malamig at tipong gusto mo parating nakaupo, naisipan kong magpatugtog muli bilang pampagana sa umaga. Minsan na nga lamang magpatugtog, may nagrereklamo pa samantalang di naman mararahas ang aking awitin, pero kapag sila, kahit rinding-rindi na kami sa napakagulo nilang tugtog, di magawang magreklamo at masyado silang nagmamalinis!

5o-n. Sa inis at upang di na lumala ang alitan, pinatay ko na ang tugtog at sa Android Phone na lamang nakinig. Tingnan mo at ako muli ang nag-a-adjust at umiintindi, That is unfair. Maya-maya, oras na ng tanghalian at gawa na kanina pa kumakalam ang sikmura'y mas maaga pa sa Alas-kwatro ang pagtungo sa kusina at diretso lantak ng nilutong ulam. Sa sarap at lasa, di ko maawat ang sarili sa paglantak at di inisip ang maaring mangyari sa sikmura kapag di naghinay-hinay, basta pagkain, diyan ko nahahanap ang kaligayahan. Sumapit muli ang Siyesta time kaya hindi ko pa man ibig ang matulog ay nagawa ko pa rin dahil sa antok.

5o-o. Kinahapunan at matapos maghugas ng plato, ipinihit ko muli ang yapak sa Computer Shop. Nung una, pinaigting ko ang pagiging pasensiyoso subalit ng di maglaon, iritableng-iritable na ko sa bagal ng internet. Umiikot lang ang aking mata sa sobrang kabagalan, di na nagtagal pa at umalis na lamang. Sa pagsapit ng gabi, heto muli ang maginaw na panahon kaya parating namamaluktot at hinang-hina ang kalooban na iunat. Habang di makalabas sa lamig ng panahon, panonood ng Television ang naging libangan ko. Kahit di personal na nangyayari ito sa aking buhay ay muntik-muntikan ng maging emosyonal ng mapanood ang kwento ng isang babae sa MMK na sa mura niyang edad ay sabay na kinuha ng langit ang kanyang magulang at nakakalungkot.

5o-p. Mabuti na lamang at nakaya na niyang buhayin ang sarili ng mag-isa bago pumanaw ang kanyang mga magulang at di matatawaran ang ipinakita niyang pagmamahal at pag-aaruga sa kanyang magulang, sa kabila na di niya ito kaano-ano. Sana maging kagaya ko siya na kaya ng tumindig sa sariling paa kahit sumalangit na ang dalawang taong bumuo at humubog sa aking pagkatao. Di ko ito ninanais pero di maiiwasan at lahat tayo, kamatayan ang kahahantungan, hindi nga lamang sabay-sabay at namamatay sa iba't ibang kadahilanan. Bago matulog ay naisipan ko pang manood ng Comedy film at sa kabila na puro kakulitan ang bawat eksena sa palabas ay may natutuhan ako. Walang ipinanganak na swerte at malas pagkat nasa kamay natin ang kapalaran at kung puro di magaganda ang nangyayari sa'yo, ikaw ang may kasalanan at nagkakataon ang lahat ng bagay na di mo inaakalang mangyayari. 


January 04, 2015
Sunday

Year III-004

5o-q. Anong hirap iangat ang sarili dahil sa lamig na nararanasan at ultimo maging mantika, natulog na at matatagalan pa bago ibalik sa dati. Sala sa init, sala sa lamig ang klima dito sa Pilipinas. Mainam na rin ang malamig kaysa mainit sapagkat di mangyayaring uminit ang ulo at ligtas pa mula sa sunog. Pagkatingin sa may orasan, Alas-otso na pala at kailangan ko ng dalian sa pagkain ng agahan. Matapos kumain ng agahan at dahil may pasok muli kinabukasan, pagsasaayos ng mga libro at kwaderno ang inatupag sa mga oras na iyon. Parang singbilis ng kidlat ang pagdaan ng bakasyon at di namamalayang malapit na ang pagbabalik eskwela o opisina. Hindi bale, marami pang darating na bakasyon ngayong buwan at iyon ay pagdalaw ng ating pinakamamahal na Santo papa na si Pope Francis, sana makapunta ako sa mismong pagdarausan ng kanyang pagbisita, upang sa gayu'y makita ng personal, mahawakan at mayakap ko pa.

 5o-r. Gawaing bahay ang sunod kong pinagtuunan ng panahon ng mailagay sa tamang ayos ang lahat ng gamit sa eskwela. Anong alinsangan naman ng panahon ang aming naranasan sa pagsapit ng tanghali. Kinahapunan, tumungo ako sa bahay nila Angelica. Mabuti na lamang at pupwede siya ngayon kaya nagkaroon ng sapat na panahon upang makipagkwentuhan. Si Ate Kris, tila may nagbago sa kanya at di ko lubos maunawaan ang takbo ng ugali, minsan ay bubungisngis kahit wala namang nakakatawa at kakikitaang nawawala sa sarili pagkat kung ano-ano ang nasasambit. Ipinabatid sa akin ni Angelica na nakainom raw ito at dami namin tawa sa kanya. Mistulan tuloy payaso si Ate Kris dahil sa kakaiba nitong ipinapakita.

5o-s. Pasalamat na lamang at ganyan lamang siya malasing at di nagiging bayolente. Sa saya, tumagal pa ko kina Angelica hanggang sa sumapit ang gabi at inilaan namin ang bawat sandali sa pagkuha ng litrato. Sumunod ay sa bahay naman nila Ellen Joyce ako tumungo, nagkataong nasa simbahan sila at sayang, marami pa naman akong sasabihin sa kanya. Laganap na ang dilim sa labas kaya nagpasyang umuwi na. Mapupusok na sermon ang agad na isinalubong sa aking pag-uwi. Minsan na nga lang ako makagawi sa bahay ng kaibigan ay nagagalit pa sila at parang ang laki ng kasalanan kung sila’y magabunganga, isa pa'y hindi ako umuuwi ng gabing-gabi at inuunang tapusin ang responsibilidad bago lumayas. Sa halip na sumagot at ipagtanggol ang sarili ay nanahimik na lamang ako. Sa wakas at humupa rin ang sermon kinalaunan. Hindi pa dinadalaw ng antok kaya naisipan ko pang magpahangin sa labas at libangin ang sarili sa paglalaro. Habang sayang-saya ako'y may tatlong binatilyong nakatambay sa harap ng bahay at kanina pa sila humahagalpak na pagkaingay-ingay at puro kabastusan ang lumalabas sa bibig.

5o-t. Palaisipan sa akin kung ano ang kanilang pinagkakaabalahan. Mausisa ako pagdating sa mga ganyan kaya nagawa kong sumilip. Grabe at nuknukan sila ng kalibugan at tuwang-tuwa pa habang nanonood ng Sex Video. Ang babata pa nila kaya pinagsabihan ko at pinalayas. Sa totoo lamang ay di ako makapaniwala sa aking nakita. Hindi pa natapos ang lahat ng may isang binabae ang naglalakad ng painosente at di naman sila inaano, walang hiyang binastos at niloloko ng mga kalalakihang tambay,  walang kalaban-laban ang bakla habang piangtutulungang yurakan ang pagkatao nito.

5o-u. Saksi ako sa di kagandahang pagtarato sa kanya at kahit di diretsa ang pang-aalipusta sa akin, lumiyab ang galit sa aking dibdib at lakas loob ko silang pinagsabihan. Bakla ako at natural, ganoon ang mararamdaman at di porket ganito kami ay may karapatan na silang tapak-tapakan ang dignidad na pinakaiingat-ingatan namin. Natigil ang pang-aalipusta nila sa bakla at ako naman ang nagawang alipustahin at ang lalakas nilang mang-trip. Badtrip na ang gabi ko kaya nagpakita na ng bangis sa kanila subalit dahil masyadong mapagmataas, di sila natinag at patuloy akong nilait-lait. Hindi ko na sila pinatulan pa at pumasok na lamang. Sa galit ay nagawa kong ibagsak ang pintuan. Heto naman sila Mama, sa halip na ako'y sila pa ang pinaburan at wala raw akong laban pagkat wala sa tama. Hindi kasi nila alam kung ano ang ginagawa nila kaya nasasabi iyan at sino ba sila! Natulog akong may yamot sa dibdib.


January 05, 2015
Monday
Year III-005

5o-v. Hinamak na nga ang pagkatao ko at ginawa lamang ang nararapat, ako pa ang lumabas na masama at kahit anong gawin ko, pakiramdam ko'y parating di pabor sa kanila. Mugto pa ang mga mata at hirap pang idilat dahil sa antok, unang araw ng klase ngayon para sa taong ito at kahit nakakatamad pang bumangon ng maaga ay kailangan ko ng gawin. Anong lamig sa pakiramdam ang una kong naramdaman at parang gusto parating nakaupo subalit buong loob na nilabanan ang ginaw. Pagdating sa eskwela, mangilan-ngilan pa lamang kamag-aral ang nadatnan sa silid. Halos tatlong linggong di kami nagkikita kaya masigabong pagbati ang isinalubong nila sa akin lalo na si Ella at labis ko silang na-miss. Habang wala pang guro, palitan kami ng kwento sa isa't isa at nahinto lamang ng pumasok si Ma'am Ria.

5o-w. Ang kanilang kasiglahan sa dibdib ay napalitan ng kaba pagkat ngayon na ibibigay ang resulta ng aming pagsusulit para sa Human Development. Pagkatanggap ay labis ang pagkadismaya sa sarili't ilang aytem na lamang ang kakailanganin para pumasa, sayang na sayang talaga. Nagtalakay lamang si Ma'am tungkol sa kung sino ang mag-uulat sa mga susunod na pagkikita at ng kami'y nagpangkat, saktong napabilang sa unang grupo. Malas nga lamang sa grupong kinabibilangan ko dahil sa Miyerkules na ang aming reporting at mukhang kakapusin ang oras sa paghahanda. Maya-maya ay may biglang pumasok na Psychology student, inanunsyo nila na magkakaroon kami ng Film showing at agad ng lumakad patungong Auditorium, kakikitaan ang tuwa sa mukha ng kamag-aral dahil walang klase sa dalawang magkasunod na asignatura.

5o-x. Sa unang bahagi, malakomedya ang eksena ng palabas kaya di maiwasang ilabas ang pangil pero ng kalagitnaan, nakakatakot pala at halos lahat sa amin ay magtitili. Sa programang pinagamagatang Ghajini ko lamang napanood ang ganoong ka-unique na palabas pagkat halos lahat na ng uri ng Drama, naroroon na katulad ng Romantic, Comedy, Action at Horror. Sa ganda ay hinintay pa naming tapusin ang palabas bago lumabas. Sa Chowking naming naisipang mananghalian at sa totoo lang, ako lang marahil ang butas ang bulsa sa aming magkakasama pagkat may kakayahan silang bilhin kahit may kamahalan ang putahe subalit nakakain pa rin naman ako dahil sa libre. Sumunod ay tumungo naman kami sa Library at sinamantala ang nalalabing oras sa paggawa ng mga takdang-aralin, hindi ko lamang magawang tapusin dahil sa kakulitan at kaharutan ni Anne Rose. Ilang sandali makalipas, ipinihit na namin ang yapak sa silid.

5o-y. Tuwa ang namayani sa dibdib ko sapagkat naging maganda ang resulta ng aking pagsusulit sa Filipino at matapos ipamudmod ang test paper, nagtalakay na si Sir Pablito ukol sa Thesis na aming gagawin. Sa paliwanag pa lamang ay mukhang di birong gawin subalit makakaya kung magtutulungan naman. Hindi pa natuldukan ang tuwa at lalo pang sumigla ng makita ang naging resulta ng pagsusulit sa Social Science at buong puso akong nagpapasalamat. Walang ibang ginawa si Sir Marvin kundi ang palabasin ang aming ngalangala at habang nagsasalita'y lihim kong ginagawa ang takdang-aralin sa English. Labis akong nawindang ng tanungin ni sir at pakiwaring pahiyang-pahiya sa aking naging kasagutan.

5o-z. Minsan ang pagkakadapa sa kahihiyan ang nagtutulak sa atin upang mas lalo pang pag-igihan ang ginagawa. Lalo pang sumidhi ang ligaya sa dibdib pagkat mataas muli ang natamong marka sa English at tingnan mo nga naman, kaninang umaga'y lungkot ang nangingibabaw at pagkadismaya sa dibdib pero tripleng saya ang pumalit. Nagturo lamang si Sir Ubenia at lundagan kami sa tuwa ng maaga kaming pinalabas. Pagdating sa bahay at sa halip na panonood ng telebisyon ang atupagin ay sinimulan ko ng pag-aralan kung ano ang iuulat sa Human Development. Labis akong nahihirapan sa topic na itinalagang iulat at baka ako'y mautal. Mga dakong ikasampo na ng magpasyang ipagpahinga ang sarili.


January 06, 2015
Tuesday

Year III-006

5p-a. Dala ng matinding antok na nanalaytay sa buo kong pagkatao'y hirap pang idilat ang mata at pilit itong pumipikit kapag dinidilat. Kinalauna'y naibsan din ang pagkapungas at may kasiglahan akong pumasok, muntikan na ngang mahuli dahil sa bagal ng daloy ng mga sasakyan. Ipinagpatuloy kong repasuhin ang iuulat sa Human Development at nahihirapang unawain ang kahulugan sa mga tekstong binabasa. Idagdag pa ang ingay ng mga kamag-aral na siya pa lalong nagpahirap sa akin, nawala na ang konsentrasyon ko kung kaya naisipang sa bahay na lamang pag-aralan. Sumapit na ang ikawalo subalit hindi pa dumarating si Ma'am Eloisa at mukhang di na ito darating pa. Sa huling sandali ng General Zoology ay nagtungo na kami ng aking mga kagrupo saLibrary at pinagplanuhan ang mga hakbang na gagawin para sa Reporting, matahimik ang buong paligid kaya naging matiwasay ang aming pag-uusap. Nauunawan ko na kung ano ang nakatala subalit ang problema'y kung paano ko ito ipapaliwanag at baka maguluhan sila.

5p-b. Sa takot na mapahiya sa marami kong kamag-aral at maihi sa sobrang kaba, matapos ang usapan ay nagpaiwan muna ako sa library at dibdiban kong pinag-aralan at inunawa ang topic. Habang napipinto ang aming report ang unti-unting pagsidhi ng kaba sa dibdib. Makalipas ang maraming sandali, nilisan ko na anglibrary at di namalayang tanghaling tapat na. Sa sobrang abala sa pagrerepaso, ako na lamang pala ang di nakakapananghalian at humihilab na ang tiyan sa gutom kung kaya kumain na lamang ako ng mag-isa. Mamaya sa oras ng PE na ang kanilang dance performance at naging abala ang halos lahat ng kamag-aral sa pag-ensayo. Kung kailan malapit ng sumapit ang oras ng PE ay biglang ipinabatid ng isa kong kamag-aral na walang practical test kundi magkakaroon lamang ng Written exam. Nasayang lamang ang kanilang pinagpaguran at habang may nalalabi pang oras ay nagrepaso muna kami.

5p-c. Maya-maya pa ay pumasok na kami sa Athletic Center. Bago magsimula ang Preliminary Test ay sinagutan muna namin ang Activity Sheet. Ng matapos ang lahat ay saka lamang nagsimula ang Preliminary test. Madali naman sa una at Common sense ang kailangan pero karamihan sa lumabas ay di ko narepaso kung kaya halos mangamote na sa pagsagot. Uuwi na sana kami pero biglang nagbago ang isip ni Sir at kailangan pang tapusin ang mga nalalabing activity at sa dami, mukhang malabong matatapos at kapos na sa oras kung kaya ginawa na lamang takdang-aralin. Bagsak na ang mga mata ko at ibig ng pansamantalang ipagpahinga ang sarili subalit ayaw kong mag-aksaya ng oras lalo na't bukas na ang aming pag-uulat kung kaya buong maghapon akong nag-aral at sana di maganap kung anuman ang aking pinangangambahan. 

5p-d. Mga dakong gabi na ng maisipang magtungo sa computer shop upang mag-reasearch at ipa-print ang aking iuulat subalit yamot ang umiral sa dibdib pagkat nuknukan sa bagal. Sa kabila na usad pagong ang internet Connection ay nagawa pa ring manatili. Alas-nuebe na ng gabi subalit wala pang nasisimulan dahil sa sobrang bagal, nagpasyang umuwi na lamang at sa totoo lamang ay labis-labis na ang aking stress ngayong gabi tapos wala pang tulog. Pagkabalik sa bahay ay ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso at medyo gumagana na ang utak at sana di mabura sa isipan kung anuman ang nasa iniisip. Mga dakong Alas-onse na ng maisipang itigil ang pagsusunog-kilay at natulog.Goodluck to me tommorow at maging mahusay nawa ang pag-uulat bukas. Lordkayo na bahala sa akin. 


January 07, 2015
Wednesday

Year III-007

5p-e. Hindi naging masarap ang tulog sa labis na kabang umiiral at kahit tangkain pigilan ay kusa itong bumabalik at umuusbong pa nga. Alas-kwatro pa lamang at kahit medyo inaantok pa'y bumangon na ko at nag-almusal. Pakiramdam ko'y kulang ako sa tulog at mistulang lantang gulay sa pagkilos. Inagahan kong pumasok upang magkaroon pa ng sapat na panahon sa ihanda ang sarili. Habang umiikli ang oras ay lalo pang umiigting ang kaba sa dibdib at halos lamunin na ako. Sana'y ice cream na lamang para kung sakaling mapahiya'y pwede akong matunaw kaso napaka-imposible ng aking minimithi. Pampatanggal stress at nakakabigay Good vibes pa si Ma’am Ria kapag nakikita at maging sa paraan ng pananalita pero ngayon ay lalo pa kong na-stress ng pumasok ito at parang sirang plaka kung ako'y magsalitang mag-isa.

5p-f. Todo repaso na talaga ako habang di pa nagsisimula at ng magsimula ay lakas loob kong hinarap at nilabanan ang hiya. Nasabi ko na ang dapat sabihin kaso parating nauubusan ng bala kung kaya nag-iimbento na lamang ako kahit direlated sa lesson. Parang nabunutan ako ng malaking tinik matapos mag-ulat at thank Godpagkat pinalakas niya ang loob ko at di na magagawang mahiya sa mga susunod pang report. Sa oras ng Mental Hygiene ay ibinigay na ang resulta ng pagsusulit subalit di ako nasiyahan sa natamong marka, babawi na lang sa Midterm. Napalitan naman ng kasiglahan at nanlubag ng husto ang dibdib pagkat di ko inaaasahan na ganong katayog ang matatamong marka sa Math at mas pag-iigihan ko pa. Nagturo lamang si Ma'am Domingo at matapos ay nagkaroon kami ng Seatwork.

5p-g. Ilang saglit makalipas, lunch break na, balak sanang magtipid subalit sa sobrang gutom ay di ko na natiis pang kumain. Matapos kumain ay nagtungo naman kami sa Library. Sasamantalahin sana ang natitirang sandali upang gawin ang mga takdang-aralin, kaso ay napurnada dahil daming kwento ni Anne Rose, sa halip na ituon sa pagsagot ay sa kanya napunta at di mapigilang tumawa. Muntikan ng sumakit ang tiyan sa kakatawa. Maya-maya'y bumalik na kami ng silid. Hindi talaga basta-basta ang gumawa ng Thesis at nangangailangan ito ng Formal na pagsulat at kinokonsidera ang magiging damdamin ng taong aming kakapanayamin, tapos di pa bababa sa limampu ang bilang ng pahina, my goodness.

5p-h. Bago lisanin niSir Pablito ang aming silid ay nag-iwan ito ng sangkatutak na takdang-aralin at tila parusa sa dami, basta sa Subject ni Sir, daming gagawin. Habang wala pa si Sir Marvin ay paggawa ng assignment sa Social Science ang inatupag. Sa oras na ito ay nanood lamang kami ng Video, ang tinis ng boses ng batang umaawit at halos maiyak sa kanta. Bukod pa doon ay may iba pa kaming pinanood. Sa oras naman ng English, nagkaroon kami ng mahabang pagsusulit. Medyo madali lamang ang exam kung kaya agad na natapos at galak muli ang umiral sa dibdib dahil matayog muli ang natamong marka. Minuto na lamang ang binibilang at di pa dismissal time subalit lumabas na ko sapagkat nai-record na nito ang marka ko. May bisita pala kami pagkauwi't daming dalang pasalubong ng Tita Susan. Sayang at di ako nakasama sa Batangas noong Pasko at ang saya ng kanilang pagsasama magkakamag-anak. Kwentuhan pa kami ng Tita Susan at maya-maya'y nagpasya ng matulog.


January 08, 2015
Thursday
Year III-008

5p-i. Nagising na lamang ako dahil sa alarma ng aking Cellphone. Wala naman kaming pasok kung kaya ipinagpatuloy ko ang pagtulog subalit nawala na ang antok. Ang Tita Susan naman, kahit nagkakaedad na'y mistulang dalaginding kung makipag-usap sa selepono't katabi ko lang ito kaya dinig ko ang kwentuhan nila. Mukhang mawawakasan na ang pagiging matandang dalaga ng Tita Susan dahil may kumakatok na sa kanyang puso at sa kilig nito, nagawa na niyang tapikin ang ulo ko. Natawa na lamang ako sa kanya. Kahit gusto kong alamin kung sino ang lalaking kanyang kausap ay itinikom ko na lamang ang bibig. Buhay niya iyan at marahil ay wala akong karapatang panghimasukan iyon. Pagkabango'y Alas-sais pa lamang ng umaga't dama ang malamig na panahon kung kaya mainit at umuusok pa ngang kape ang naging agahan ko. Naibsan naman ang ginaw kinalaunan at sinimulan na ang gawaing bahay. Medyo abala si Papa sa paglalagay ng dingding sa aming tindahan samantalang nasa palengke naman si Mama, ako muli ang nagbantay sa tindahan.

5p-j. Habang nagbabantay ay binubunutan ko ng puting buhok ang Tita Susan. Ganoon talaga kapag tumatanda ka at kahit anong gawing pagpapabata'y di mo iyon maiiwasan. Tanghaling tapat na kung kaya itinigil ko muna ang aking obligasyon at nananghalian. Balak ko sanang ipagpatuloy ang pagbabantay, kaso bigla naman inantok kung kaya pansamantala munang umidlip subalit nauwi sa masarap na tulog at mga dakong ikatlo na ng hapon nagising. Mukhang katapusan ko na pagkat napakasakit ng tiyan ko at ibang-iba ang sakit kaysa sa mga naranasan ko. Nanatili pa ring masakit sa kabila na nakapagbawas na at di ko batid kung ano ba ang nakain at bakit umatake muli ang LBM. Humupa naman ang pagdurumi ko kinalaunan at bumalik sa dating ayos ang lagay ng tiyan. Lungkot ang naghari sa dibdib pagkat paalis na si Tita Susan at nagpaalam na kami sa isa't isa.

5p-k. Kinagabihan at kahit bukas pa idaraos ang pista ng Nazareno ay marami ng namamanatang deboto at sapalaran sa kanila ang paghalik sa paa. Paniniwala nila, himalang mawawala kung anuman ang taglay na karamdaman kapag humalik ka o humipo sa katawan ng poon subalit di ko magawang maniwalang naghihimala iyon pagkat bukod tanging panginoon lang ang naghihimala. Ang mga himala ay wala sa kamay ng kung kani-kanino kundi sa kapangyarihan ng panginoon at mangyayari lamang sa'yo iyon kung patuloy ang pananalig at paniniwala sa kanya. Kaya ang mga taong namamanata sa Nazarenong iyan, magising na sila. Di ba nila nabasa sa bibliya na walang ibang Diyos ang sasambahin maliban sa akin, pero sa ginagawa nila'y tila nilalabag na ang utos ng Diyos.

5p-l. Hindi naman marahil masama kung paniwalaan nilang naghihimala ang poon at sino ba naman ako upang baliin ang paniniwala nila kaso ang masama ay huwag nilang sasambahin. Hindi pa makatulog kung kaya naisipan pang manood ng pelikula, grabe ang pangdurugas na kanilang ginagawa sa kapwa at demonyo ang kanilang kaluluwa. Ibig ko sanang subaybayan kung ano ang magiging leksyon sa masama nilang gawi kaso malalim na ang gabi at nagrereklamo na si ina kung kaya di ko na tinapos pa.


January 09, 2015
Friday

Year III-009

5p-m. Parang sakop ng lamig ang buo kong katawan at katamad talagang bumangon dahil sa nararanasang ginaw. Isa pa'y labis pang inaantok at kahit paghirapang idilat ang mata, pumipikit pa rin ito ng kusa. Baka nga wala muli kaming Professor ngayon pagkat nasa probinsya pa raw ito kung kaya nagpasyang huwag ng pumasok. Mga dakong ikapito na ng magpasyang bumangon at kakaibang sigla ang naramdaman ko kung kaya ganadong-ganadong gawin ang lahat ng mahahalagang bagay. Inuna ko muna ang gawaing bahay at sipon ang inabot pagkat napakaraming alikabok ang aking nalanghap. Maglalaba sana ako subalit makulimlim ang kalangitan at nagbabadya pang umulan, hindi ko na lang ipinagpatuloy ang balak. Hangga't di pa naghihingalo ang oras ay sinimulan ko ng gawin ang Assignment sa Filipino at sa pagkarami-rami ba naman, tila pam-project na.

5p-n. Kahit sumapit na ang tanghali'y nanatili pa rin ang malamig na panahon at sumidhi pa nga ang ginaw ng bumuhos ang ulan. Sa dilim ng kalangita'y tila nagdadalamhati ito. Maya-maya'y kainan na at matapos kumain, panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Limang oras na ang nakakalipas magmula ng iprusisyon ang andas ng Poong Nazareno'y tila di pa malayo-layo ang nararating nito at nahihirapang makausad dahil sa dami ng mga debotong namamanata. Sa sobrang siksikan, marami na ang nahimatay at may isa na ring napaulat na nasawi matapos atakihin sa puso. Di na mahulugang karayom ang lugar ng Plaza Miranda dahil sa dami ng mga tao at patuloy pang nagbabalyahan, makaalpas lang sa andas. Sana di tayo ganito kagulo kapag dumating na ang Santo Papa.  

5p-o. Sa antok, pansamantala akong nag-siyesta. Wala akong ginawa sa buong oras ng hapon kundi pagtuunan ng panahon ang takdang-aralin sa Filipino. Pagsapit ng gabi ay anong ginaw muli ang aming naranasan at pakiramdam ko, parang nasa loob ng Refrigerator sa sobrang ginaw at di pa maiunat ang sarili. Mainam na ang malamig kaysa malapugon ang temperatura at puputi pa ang balat. Hindi pa bumabalani ang hikab sa katawan kung kaya naisipan ko munang manood ng Video. Sa kakatawa, sa halip na antukin ay lalo pa kong sumigla, mukhang matatagalan pa bago dumalaw ang antok. Malapit ng magpalit ang araw ng ako'y matulog.


January 10, 2015
Saturday

Year III-010

5p-p. Parang dadapuan ako ng sakit sa sobrang lamig ng panahon, sarap pang matulog lalo na't panahon ngayon ng taglamig at ibig pang ibalot ang sarili sa napakakapal na kumot subalit kailangan ko ng bumangon pagkat marami pang dapat gawin. Sa tindi ng lamig na aming nararanasan, umatake muli ang sipon at di na nga maaninag ang kapaligiran sa kapal ng hamog. Tanging paghigop lamang ng mainit na kape ang naging panlaban sa lamig. Hangga't maikli ang kumot, matutong mamaluktot, matutong batain ang hirap dahil darating ang panahon na giginhawa rin ang 'yong buhay. Sa halip na unahin ko ang napakaraming takdang-aralin sa Filipino'y gawaing bahay muna ang pinag-ukalan ng panahon. Matapos ay ipinagpatuloy ko ng gawin ang takdang-aralin at kahit medyo sinisipo'y di ko iyon ininda, matapos lamang ang sangkatutak na gawain. Hindi biro ang gumawa ng liham pangangalakal at nangangailangan ito na magalang ang sulatin maging sa liham aplikasyon. 

5p-q. Mabuti na lamang at may Wi-Fi na kami at pinagaan nito ang buhay sa paggawa ng takdang-aralin, isa pa'y di mo na kailangan pang lumabas upang mag-research. Tanghaling tapat na at tirik na tirik na ang haring araw subalit nilalamig pa rin ako at tila di na kinaya ng init ng haring araw ang matinding lamig na dala ng Hanging Amihan, nakakatamad tuloy maligo at gawa na amoy anghit na at medyo dugyot na rin ang aking kaanyuhan, hindi ko man ibig maligo ay naligo pa rin upang presko at malinis sa katawan. Labis ang pagkangatog ko matapos maligo. Wala akong ibang pinagkaabalahan sa buong maghapon kundi tapusin ang mala-proyektong takdang-aralin sa Filipino kaso sa dami, mukhang di ko matatapos ngayon. Tapos, sulat kamay pa at di pupwedeng Computerized at ang hirap ng buhay kapag mano-mano lamang. 

5p-r. Kahit lugmok na ang mata sa antok ay lakas loob kong nilabanan, di lang masayang ang oras at halos magkaroon na ng paltos ang kamay sa kakasulat. Hapong-hapo na ang daliri at nangangawit na kung kaya pansamatala kong itinigil ang pagsusulat. Habang nagpapahinga'y panonood ng Video ang pinagkaabalahan ko, grabe at di mapigilang tumili ng mapanood ang Horror Movies at labis ang sindak sa dibdib kahit kathang isip lamang. Pagkatapos maghapuna'y saka ko pa lamang naisipang ipagpatuloy ang takdang-aralin at napakalupit ni Sir Pablito pagkat buwis buhay na ang pala ang pinapagawa niya. Sa antok at dahil wala pang tulog, nagpasyang ipagpabukas na lamang.


January 11, 2015
Sunday
Year III-011

5p-s. Nagulantang na lamang ako sa aking paggising ng ipabatid ni ina na may naganap daw na lindol kaninang madaling araw. Kahit medyo may kalakasan ang pagyanig ng lindol ay nagpapasalamat pa rin pagkat walang ari-ariang nasira at di ko ito naramdaman. Mahal talaga ako ng Panginoon at di niya ipinaparanas sa akin ang matitinding sakuna. Dama muli ang malamig na panahon kung kaya naisipang ibilad ang sarili sa arawan pansamantala. Sa tindi ng lamig, isang oras ng bilad ang sarili subalit di pa napaparam ang lamig. Lumipas ang ilang sandali't hanggang may nalalabi pang oras ay ipinagpatuloy kong gawin ang takdang-aralin sa Filipino. Kahit nakakapagod at kahapon pa ginagawa sa sobrang dami'y sipag at tiyaga ang pinairal ko, sa wakas at natapos ko na rin kaso di pa puwedeng magpakasasa sa masarap na buhay dahil may takdang-aralin pa sa ibang asignatura na dapat tapusin, iyon ang napagkaabalahan ko hanggang sa sumapit ang tanghali, saka lamang nakapag-relax at hayahay matapos gawin ang lahat ng takdang-aralin.

5p-t. Gawa na kanina pa namimilipit ang bituka sa gutom, mas maaga pa sa Alas-kwatro ang pagtungo sa mesa at sabay lantak ng ulam, sa sarap ng lutong ulam, swak na swak na para sa sikmurang kumakalam at labis ang aking kabusugan. Tapos idagdag pa ang softdrinks, kaya lalo pang sumarap ang aming salo-salo, kaso hinay-hinay muna at baka mabulunan. Pagdako ng hapon at batong-bato muling manatili sa bahay at nabubukbok na ang kalis sa kakaupo, naisipan kong magtungo sa Computer shop. Habang tutok ang mata sa kaka-Facebook ay bigla na lamang may nag-chat sa 'kin na di kanais-nais ang mensahe.

5p-u. Labis akong nayamot sa kanya at walang hiyang dinusta-dusta sa kabila na di ko naman ito inaano at di ko siya kilala. Marahil ay walang matinong gawin kaya ako ang naisipang pagkatuwaan at panira siya ng araw ko. Kung makapanglait, akala'y artistahin ang mukha, sa halip na patuloy kong pairalin ang init ng ulo'y pinalagpas ko na lamang. Umuwi akong may yamot sa dibdib at upang humupa'y nagtungo ako sa bahay nila Ellen Joyce at nakipagkwentuhan. Ang sarap at sayang kausap ni Ellen Joyce kaya ang Stress na bunsod ng kanina'y parang bulang naglaho't di maitago ang halakhak. Sa saya, nanatili ako sa kanila hanggang sa magdapit-hapon.

5p-v. Nang pauwi'y bigla naman akong pinigilan ni Regine at ibig ikuha ang litrato ang sarili dahil naluluma na ang mga Photos. Labag man sa kalooban na pahiramin ng Cellphone at dahil kaibigan ko naman siya'y pinahiram ko pa rin. Tamang kuha lang litrato sa isa't isa together with nice post. Kaso'y may pagkatampalasang gumamit ang Regine at di ko na mapakinabangan pa dahil ubos na ang baterya. Maaga muling magigising bukas kaya maaga akong nahiga sa kama. Gawa na di pa naghahari ang antok sa katawan, naisipan ko munang making ng musika at bilang pampaantok na rin.


January 12, 2015
Monday

Year III-012

5p-w. Ang labis na ginaw ng panahon ang nagpahirap muli sa akin upang bumangon at ibig pang matulog dala ng antok. Pagkatingin sa orasan, kailangan ko ng dalian sa pagkilos dahil sumapit na ang Alas-singko ng umaga. Sa lamig na bitbit ng Hanging Amihan, nagpunas lamang ako sa takot na ginawin ng todo-todo. Ang inakalang mahuhuli sa pagpasok ay nagkakamali at manaka-naka pa lamang ang pagdating ng Estudyante. Habang di pa dumarating si Ma'am Ria ay paggawa ng takdang-aralin sa Social Science ang inatupag ko. Ilang saglit makalipas, may guro na at nagkaroon muli ng Class Reporting. Mabuti na lamang at natapos na ako sa pag-uulat at nagpamalas ng kasungitan si Ma'am Ria, walang kaimik-imik ang mga nag-uulat habang ginigisa ni Ma'am at ngayon ko lamang napagtanto na istrikto si Ma'am pagdating sa pag-uulat. 

5p-x. Sa oras naman ng Mental Hygiene ay naging kapanapanabik ang amingactivity, isusulat ang sarling pangalan sa papel pagkatapos ay ididikit sa 'yong likod. Kapag nagawa iyon ay ipapasulat sa kamag-aral kung ano ang impresyon niya sayo at kahawig ng ginawa namin sa Filipino noong nasa Dash 1 pa ko. Ang pinagkaiba nga lamang, di pasa-pasa ang paraan ng pagsusulat at sa mismong papel na nakadikit sa likuran ng kamag-aral ikaw susulat. Pagkabasa, labis kong ikinadismaya ang naging komento nila at pawang negatibo ang nakatala. Hindi ko naman sila masisisi kung ganon ang nakikita sa akin at sisikapin kong baguhin ang sarili. Sa halip na itago ay itinapon ko ito. Sa oras naman ng Math, nagturo lamang si Ma'am Domingo, medyo nadadalian lamang sa Lesson at agad na nakukuha kaya ng magkaroon ng seatwork, naging sisiw lamang sagutan ang mga ito, hindi ko nga lang matapos-tapos dahil sa kadaldalan ni Anne Rose

5p-y. Maya-maya pa, lunch break na at saya ang umiral sa dibdib dahil sama-sama muli kami. Sana ganito parati kaming magkakaibigan, yung parating nagdadamayan at hindi basta-basta nang-iiwanan. Pakiramdam ko, nahanap ko na ang mga taong handang tanggapin kung sino ako at sana'y sila na nga iyon. Kahit hindi naging maganda ang nakaraan namin ni Anne Rose, hayaan na at iwaglit na sa isipan. Sa oras naman ng Filipino, nagtsek lamang si Sir ng mga ipinasang assignment. Akala ko iyon lang ang bubunuin sa buong oras niya pero nakapagturo pa ito at sa totoo lamang ay inaantok ako kapag siya ay nagtuturo, tapos marami pang pinapagawa kaya karamihan sa kamag-aral ay imbyerna na sa kanya.

5p-z. Naibsan ang antok na umiiral ng humalili sa kanya si Sir Marvin at kahit maraming alam na kabalukyutan, natatanggal ang stress namindahil sa kanyang pagpapatawa. Hindi muling mapigilang humalakhak pagkat sa oras na nagtuturo'y hinahaluan parati ng katatawanan at daming galaw ni Sir. Sa oras naman ngEnglish, wala muling guro kaya napaaga ang aming pag-uwi. Pagdating sa bahay ay panonood agad ng balita ang pinagkaabalahan. Sabik ang naghari sa dibdib pagkat napipinto na ang pagdating ng Santo Papa, kasabay nito ang napipintong pagdating ng Bagyo at nagbabanta pang sabayan si Pope Francis sa mismong lugar na kanyang bibisitahin. Nawa'y malusaw ito. Pinagsamang antok at pagod ang naramdaman ko kung kaya di na nagpatumpik-tumpik pa sa pagtulog.


January 13, 2015
Tuesday

Year III-013

5q-a. Pagdilat ng dalawang mata'y may pagmamadaling bumangon pagkat sumapit na pala ang Alas-singko. Sa sobrang pagmamadali ko sa pagkilos, nakaligtaang may PE class pala kami't mismong si Mama pa ang nagpaalala sa akin. Pagkadampot ng uniporme, nadiskubre kong nawawala ang Jogging Pants at di ko malaman kung nasaan nakalagay, todo halughog tuloy ako subalit di masumpungan. Hindi ko na nga alam ang gagawin tapos ay panay sermon pa sa akin si ina. Umaga pa lamang subalit stressful na ang araw ko at muntikan ng magwala dahil sa buryong. Sa inis, nagawa ko ng sagutin si Mama. Mahuhuli na ko sa pagpasok kaya nagpasyang itigil na ang paghahanap. Bakit parating ganito ang nangyayari sa akin, ginawa ko naman ang lahat na sa tingin ko'y ikakabuti ng lahat maging sa akin pero tila walang pagbabago, pumasok akong may kabigatan ang kalooban. 

5q-b. Lalo pang umigting ang bigat sa kalooban ng inanunsyo ni Ma'am Eloisa na karamihan sa amin ay nakakuha ng Singko at malakas ang kutob na kabilang ako roon. Sa bait ni Ma'am ay binigyan niya kaming lahat ng special project at iyon ay iguhit ang parts of Skelatal system upang pumasa. Labis akong na-pressure sa pinapagawa ni Ma'am lalo na't hanggang mamaya lamang ang pasahan at di na siya tatanggap pa sa ibang araw. Matapos ang announcement, kaagad na kaming tumungo sa library at doon isinagawa ang pagdo-drawing. Natataranta ako pagkat tatlumpung minuto na ang lumilipas subalit wala pang nasisimulan at masyadong kumplikado ang bawat detalye ng larawang aking pinanggagayahan. Iniisip ko kung makakaya ko ba ito?

5q-c. Hindi pa naman ako gasinong bihasa sa pagguhit subalit di ako pinanghinaan ng loob sa kagustuhang pumasa. Sa buong oras ng General Zoology ay wala kaming ibang inatupag kundi ang gumuhit at kahit di presintable ang pagkakagawa, ayos lamang kaysa naman walang maipasa. Maya-maya, nilisan na namin ang library. Sa dami, di ko pa natatapos at mukhang malabong matapos. Pagsapit ng ikasampo, tapos o di tapos ay kailangan ng ipasa at di ko alam kung sapat na ba ang drawing upang pumasa. Kaming tatlo lamang ni Anne Rose at Ella ang nananghalian at sa labis na gutom, nakadalawang order ako. Sa kabusugan ay halos di na ko makakilos subalit pinilit ko pa rin maglakad. Habang di pa nagsisimula ang oras ng PE ay pag-eensayo muli ang inatupag ng mga kamag-aral at sa puntong iyon, nakatunganga muli ako sa kanila at kahit nakaupo lamang, nakakabato naman.

5q-d. Sa takot na baka sitahin ng masungit na Professor at pahiyain dahil lamang sa di nakasuot ng PE uniform, nagpasyang huwag ng daluhan ang klase sa PE at umuwi na lamang. Nakakayamot sa dibdib dahil di mabatid kung paano nawala ang Jogging Pants. Sa pagod, diretso siyesta ako pagkauwi. Kinagabihan at habang humaling ang mata sa Facebook ay ikinagulat ko na lamang ang naging reaksyon ni ina ng bigla itong nagpamalas ng galit sa 'kin sa di malamang dahilan. Kasimpleng bagay lang pala ang kanyang ikinagagalit at iyon ay aksidneteng nai-tag sa Account niya ang nai-upload na photos ko at laking gulat na lamang kung paano nangyari iyon, samantalang di ko naman tina-tag sa kanya. Nagkaroon tuloy kami ng alitan dahil lamang sa Facebook photos at mukhang matatagalan pa bago humupa. Hindi ko mabatid kung bakit ganoon na lamang kainit ang ulo niya't maliit na bagay, pinapalaki pa. Hindi ko ibig pang lumaki ang hidwaan namin, hinayaan ko na lamang itong magsalita't pasasaan pa at mapapagod rin iyan, di pa ko nasanay. Mga dakong ikasampo na ng magpasyang natulog.


January 14, 2015
Wednesday

Year III-014

5q-e. Sa tindi ng nadaramang antok, pahirapan sa 'kin ang idilat ang mata ng maigi, tapos malamig pa ang panahon subalit nilabanan ko ang mga balakid sa aking pagpasok. Pagdating sa eskwelahan, laking gulat ko ng ipabatid ng kamag-aral na may maikling pagsusulit sa Human Development at patay, hindi pa ko nakakapagrepaso. Ano ba 'tong utak ko at tila natutulog habang inaanunsyo ni Ma'am Ria. Another stress muli sa dibdib ng ipabatid ng kagrupo na ngayong araw kami mag-uulat sa subject ding iyon, mukhang mababaliw na ko sa dami ng dapat gawin at nagkasabay pa. Paspasan ako sa pagrerepaso habang di pa pumapasok si Ma'am Ria. Maya-maya'y pumasok na ito at nagsimula na ang pagsusulit. Naging mahirap sa 'kin ang naturang pagsusulit at mukhang makakadekwat ng itlog. Ng tseking, labis ang dismaya sa dibdib pagkat di kataasan ang nakuha ko. Habang nag-uulat ang mga kagrupo ko'y lihim kong inaral ang iuulat at di na maitago ang kaba dahil mag-uulat muli at baka mangyari sa akin ang nangyari sa kagrupo.

5q-f. Tila natanggalan ng tinik sa lalamunan at nakahinga ng maluwag pagkat di natuloy ang aking pag-uulat. Sa oras naman ng Mental Hygiene, naging kapanapanabik muli ang Activity at iyon ay isusulat sa papel ang lahat ng problema mo sa buhay. Ang kaninang dinadaan sa biruan habang isa-isa namin ibinabahagi ang problema, nauwi sa totohanan at muntikan na kong maging emosyonal ng ibahagi ko sa kanila ang sariling problema pati na rin ang sama ng loob. Ginhawa sa dibdib ang nakamtam ng mailabas ko ang lahat-lahat at natutuwa naman pagkat marunong silang makinig sa hinaing ko at nagpayo pa nga. Kaagad naman humupa ang emosyon ng sumapit ang oras ng Math at nagkatoon kami ng quiz. Medyo nalilito lamang ako kung paano mag-graph pero sa pangkalahatan ay naging madali lamang ang pagsusulit.

5q-g. Sa dali, kaagad akong natapos kaso di magawang ipasa pagkat di sigurado sa sagot, hinintay ko pang may magpasa bago ipasa ang gawa. Maya-maya'y natapos na ang pagsusulit at Lunch break na. Matapos mananghalian, sa library muli naming naisipang magpalipas ng oras at tamang repaso sa Social Science. Kahit mahina ang pag-uusap kung sabay-sabay naman, maingay pa rin at di ako makapagrepaso ng ayos. Sa oras ng Filipino, nagkaroon lamang kami ngActivity at iyon ay ibuod ang bawat aralin. Sa hirap unawain ang talata, di ko na nagawang tapusin ang pagbubuod. Sa oras naman ng Social Science at habang wala pa si Sir Marvin, paspasan muli ako sa pagrerepaso sa kagustuhang makatamo ng magandang marka. Maya-maya'y dumating na si Sir Marvin at di naman kahirapan ang pagsusulit kaya ang resulta, may katayugan ang natamong marka. Naisipan munang tumambay habang wala pang guro sa English.

5q-h. Heto naman sila Anne Rose at Ella, pinaggigiitin na may gusto raw ako kay Aldwin samantalang wala namang nararamdaman sa kanya at ang dudumi ng kukote nila, porket nag-usap lang kami ng isang araw at nagpalitan ng ngiti sa isa't isa'y may namamagitan na agad, di ba pwedeng nakikipagkilala lang. Lalo pang umigting ang pangangantiyaw nila sa akin ng pumasok si Aldwin. Makisig ito at maputi kaso di siya natitipuhan ng puso at di ako tumitingin sa panlabas kundi sa panloob na anyo.  Maya-maya'y dumating na si Sir Ubenia at ng tawagin nito si Aldwin sa Recitation, dumali muli sila Ella at ipinalandakan na kinikilig daw ako, di ko alam kung maiinis ba o matutuwa ako sa kanila.

5q-i. Dinipensahan ko ang pangangantiyaw nila sa akin, kaso maging si Sir Ubenia, naghinalang nagkakagusto ako kay Aldwin at nagkamali siya sa kanyang iniisip. Natawa na lamang ako ng pinagtambal niya ang pangalan naming dalawa sa blackboard at ang lakas ng kanilang tilian. Makikisabay sana ako Kay Aldwin sa pag-uwi pagkat sa Barangay Batasan Hills din ito nakatira, kaso naiilang na at baka pagmulan muli ng kantyawan. Hindi naman nakakakiliti sa puso ang kanyang kakisigan subalit bakit ganoon, di ko magawang tumitig sa kanya kapag nag-uusap kami. Parang kay bigat ng ulo ko pagkat parating napapayuko. Marahil ay nakatatak pa rin sa isipan ang mga haka-haka ng kamag-aral subalit binabalewala ko na lamang iyon. Diretso lamon ako pagdating sa bahay. Sa pagod, maaga ang aking pagtulog.


January 15, 2015
Thursday
Year III-015

5q-j. Ngayong araw inaasahan ang pagdating ng pinakamamahal nating Santo Papa at salamat sa kanya sapagkat naisipan niyang bumisita rito at patunay nga na di niya tayo kinakalimutan at isinasali parati sa kanyang dasal. Wala muling pasok at maging sa opisina sa buong Kalakhang Maynila upang bigyan daan ang pagbisita ng Santo Papa. Nagagalak ako, di lamang sa mababasbasan ang buong bansa mula sa banal na Santo papa kundi magiging mahaba ngayon ang bakasyon. Sana magtagal pa ang Santo Papa upang lumawig pa ang bakasyon at lumaki ang tiyansang masilayan ko ito. Batid kong hindi matutuloy ang minimithi pagkat mukhang malabong makakadalo sa mga Papal Events at isa pa'y siksikan at baka di ko kayanin ang ganong sitwasyon. Marahil ay hanggang panood na lamang ako at mananatiling pangarap ang makita, mayakap at makamayan ang Santo Papa.

5q-k. Parang sobra-sobrang pagpapala ang mangyayari sayo kapag nakamayan mo marahil ang Santo Papa. Tirik na tirik na ang haring araw sa labas ng ako'y dumilat subalit tila di nababawasan ang nadaramang lamig. Gawaing bahay agad ang napagkaabalahan matapos mag-almusal at ng masiguradong wala ng bahid dumi ang sahig mula harap hanggang likod, pagbabantay sa tindahan naman ang sunod na pinagkaabalahan. Sa totoo lamang ay di ko mapigilang mayamot kapag paisa-isa ang bili tapos maya't maya ang balik at di na lang diretsuhin, kaso'y natural lamang iyon sa mamimili kaya pinahaba ko na lamang ang pasensiya. Pagsapit ng tanghali, naisipan kong manood ng telebisyon upang alamin ang sariwang balita hinggil sa paghahanda para sa pagdating ni Pope Francis. Hindi pa nga nakakaalpas sa Pilipinas ang Santo Papa'y di na mahulugang karayom ang lansangang maaring daanan ng Convoy kasama si Pope Francis at kakikitaan talaga sa bawat mukha ang kasabikan. Mapalad ang taga-Maynila pagkat masisilayan nila ng malapitan ang Santo Papa at paulit-ulit pa.

5q-l. Kinahapunan at gawa na batong-batong manatili sa loob ng bahay, naisipan kong lumabas at magkumpyuter. Sa sobrang humaling ng mata sa computer, hindi napansing madilim na pala sa labas at gustuhin pa mang itutok ang mata sa Computer subalit kailangan ko ng umuwi. Pagkarating sa tahanan ay balita agad ukol sa pagdating ng Santo papa ang aking nasagap at nakalapag na pala ang sinasakyang eroplano nito. Grabe ang pagmamahal ng Pinoy sa Santo Papa at sing-init ng apoy ang pagsalubong nila nito. Bukod sa mainit ang kanilang pagtanggap ay di na magkandamayaw at tila di napupunit ang lalamunan sa kakatili. Parang malapiyesta tuloy ang sitwasyon sa Maynila dahil bawat lansangan ay puno ng mga tao at napakapalad ng mga nakahawak sa kamay ng Santo Papa. Marahil kapag nahawakan ko ang kamay ng Santo papa, tila liliparin sa galak at langit ang madarama.

5q-m. Kanya-kanya ng uwian ang mga madlang People pagkapasok ng Santo papa sa Apostolic Nunciature. Gawa na di pa naghahari ang antok, naisipan ko pang magbantay sa tindahan. Sumapit na ang Alas-dyis subalit di pa nagsisiuwian ang mga tambay na walang puknat kung maghasik ng kaingayan, ibig ko sana silang sawayin, kaso baka ako pa ang lumabas na masama. Darating na sa puntong gusto ko na silang sigawan pagkat nakakaasiwa na sa pandinig ang nalilikhang ingay at panay pa ang pagkanta na labis kong kinakairita subalit biglang umalis ang mga ito. Bakit ganito ang kabataan sa lugar namin, tila pinababayaan ng magulang na mapariwara o sadyang kulang lamang sila sa pag-antabay? Malapit ng mag-ikalabing-isa ng maisipang matulog.


January 16, 2015
Friday
Year III-016

5q-n. Malakas na tugtog muli ang tumibag sa masarap kong pagtulog at sa lakas nito, halos makaramdam na ako ng pagyanig. Hindi pa pala sumisikat ang haring araw at gawa na nanatili pa ang antok, ipinagpatuloy ko ang pagtulog. Dama muli ang matinding lamig at kahit ibalot ang sarili sa makapal na kumot, hindi ko matakasan ang ginaw. Sadyang kay tulin ng takbo ng oras at sa muling paggising, Alas-siete na pala, medyo inaantok pa talaga subalit di na ako nagpaligoy-ligoy pa sa pagbangon. Tamang kinig lang ng awiting pag-ibig habang isinasagawa ang gawaing bahay at pakiramdam ko, ang sigla-sigla ng araw at lalo pang sumigla dahil sa aliwalas ng panahon, parang di ko maialis ang ngiti at sana'y parating ganito ang nararanasan ko. Maya-maya'y nanood na ko ng television matapos ang gawaing bahay. Hindi muli mahulugang karayom ang dami ng tao sa Maynila na nag-aabang sa muling pagdaan ng Santo Papa at animoy wala silang kasawa-sawang masulyapan ang Santo Papa at napakapalad nila pagkat labis-labis na ang natatangap na Blessings.

5q-o. Kahit sa telebisyon ko lamang nakikita ang Santo Papa, parang dama ko pa rin ang kanyang presiyensa at parang nakikiisa na rin ako sa mga Papal Events. Bawat lansangang binabagtas ng Santo Papa patungong Malacañang ay bulto-bulto talaga ang dami ng mga tao at kanya-kanyang abot ng kamay sa oras na dumaan sa kanila ang Santo Papa. Karamihan sa kanila'y hindi na magkadamayaw habang isinasagawa ang Motorcade. Bago pa man sumapit ang ikasampo ng makarating si Pope Francis sa palasyo at makadaupang palad ang ating pangulo. Kahit di pa ko nakakapasok sa Malacañang sa tana ng buhay ko, dahil sa mga kamerang umaantabay saanman magtungo ang Santo Papa'y batid ko na kung ano ang nasa loob at hitsura nito at para na kong nakapasok sa palasyo, bukod pa roon ay parang kapiling ko ang Santo Papa kahit di ko ito personal na nakikita.

5q-p.  Ibang-iba nga si Pope Francis, simple lamang kung umasta, mapagkumbaba at mahilig makisalamuha sa mga tao lalong-lalo na sa mahihirap. Habang pumapasok ang Santo Papa'y kanya-kanya ng lapit ang mga bata maging ang sanggol upang mabasbasan. Buong umagang tutok ang mata ko sa panonood ng Papal Events hanggang sa sumapit ang Tanghali. Kinatanghalian naman ng magtungo ang Santo Papa sa Manila Cathedral at magmisa, maging doon ay dagsaan ang mga tao at di inalintana ang matinding sikat ng araw, masiliyan lamang ang kinagigiliwang Santo Papa. Sa kakatutok, di namalayang sumapit na ang hapon. Matapos naming manood ng television, gawa na ako'y batong-bato, nilibang ko ang sarili sa panonood ng Video. Ito ay kwento ng dalawang magkapatid na maagaang naulila at nasadlak sa kahirapan.

5q-q. Kahanga-hanga ang sipag at pagsisikap na ipinakita ng tauhan pagkat sa murang edad pa lamang, lahat na ng raket ay pinasukan na nito, kumita lamang at upang buhayin ang nakababatang kapatid. Kahit hikahos sila sa hirap, nagagawa pa rin tumawa at tila wala sa kanila ang mga suliraning dumaratal. Pagkatingin sa orasan, Alas-tres na pala't sunod ay sinimulan ko ng gawin ang takdang-aralin sa English. Hindi naging madali sa akin ang takdang-aralin at sakit sa ulo ang ibinigay na mga grammar. Sa hirap, hindi ko na tinapos pa at magkandasuko na ko.

5q-r. Pagsapit ng dapit-hapon, panonood muli ng telebisyon ang aking inatupag at nasa MOA na pala ang Santo Papa. Napakatindi talaga ng pagmamahal ng mga pinoy sa Santo papa at saanman ito tumungo, kapit-bisig silang nakikiisa sa Papal Events at misa na pinapangunahan ni Pope Francis. Parang Center of attraction na sa panahon ngayon ang Santo Papa at karamihan sa kanila, kinakalimutan na ang Diyos na maylalang at tagapagligtas. Sa halip na si God ang sambahin, napupunta na sa Santo Papa ang lahat na dapat ay para sa kanya. Mismong si Pope Francis na nga ang nagsabi na huwag siya ang idolohin kundi ang Diyos na makapangyarihan, si Jesus.


January 17, 2015
Saturday

Year III-017

5q-s. Pagkagising ng madaling-araw ay kakaibang lamig muli ang aking nadarama at tila malapridyider sa pakiramdam. Wala akong ibang magagawa kundi tiisin na lamang ang ginaw. Napawi naman antok ko kung kaya bumangon na at nag-almusal. Ang kahapong maaliwalas ang panahon ay kasalungat naman ngayong makulimlim at tila nagbabadyang bumuhos ang ulan. Nakakaasar lamang pagkat kasabay ng pagbisita ng Santo papa'y ang pagdating naman ng Bagyong Amang at nagbabantang manalasa sa mismong lugar na bibisitahin ng Santo Papa, ang Tacloban. Matapos kumain ng agahan, dami muling hugasin sa lababo at kahit ayaw kong mabasa ang kamay pagkat malamig ay buong tapang kong nilabanan ang katamaran. Sa lamig ay tila maninigas na ang kamay ko habang naghuhugas. Sumunod ay ipinagpatuloy kong gawin ang takdang-aralin sa English at kahit anong pilit unawain ang Instruction, nakaka-slow at nakakawalang ganang sagutan.

5q-t. Maya-maya'y naisipan ko muling magtungo sa Computer Shop. Nahirapan akong ipokos ang atensyon sa bagay na aking pinagkakaabalahan dahil sa kakulitan ng mga bata at ang babaho't dungis pa. Yung tagabantay, panay na ang pagsasaway at paalis sa mga paslit at kay titigas ng ulo pagkat bumabalik pa rin at nanggugulo pa. Hindi ko na masikmura pa ang sitwasyon kung kaya umalis na lamang ako. Panonood agad ng telebisyon ang inatupag ko pagkauwi at upang alamin na rin sariwang balita hinggil sa nagaganap na Papal Events. Sa kabila na napakasungit ng panahon sa Tacloban bitbit ng Bagyong Amang ay hindi pa rin nagpatinag ang Santo Papa at nagawa pa rin bumisita, masilayan lamang ang mga taong nag-aabang sa kanya at makausap ang mga nasalanta ng nagdaang kalamidad.

5q-u. Hanga na talaga ako sa ipinapakita ng Santo Papa sapagkat buo pa rin ang kanyang paninindigan na bisitahin ang mga taga-Tacloban kahit na bumabagyo at hindi pa rin napigilan ng malakas na buhos ng ulan ang pag-aabang nila sa Santo Papa. Habang tutok ang mata sa panonood ng telebisyon ang pagdating naman ni Kuya Michael at may dala itong malaking bilao ng Palabok. Unang tingin pa lamang ay takam na takam na akong lantakan ang Palabok subalit mas inuna ko munang kumain ng ulam. Sa sarap at linamnam, hindi ako naging mahinay sa paglantak ng palabok at labis akong nabusog sa dami ng kinain. Hinayaan ko munang matunawan bago mag-siyesta. Malapit ng sumapit ang dapit hapon ng magkaroon ng malay. Balak ko sanang dumalo sa kaarawan ng aking kamag-aral, kaso bigla namang sumama ang pakiramdam, nanatili na lamang ako sa bahay.

5q-v. Pagsapit ng gabi, naghari muli ang malamig na panahon kaya lalo pang sumidhi ang masamang pakiramdam. Sa tindi ng ginaw, parati na lamang nakabaluktot at di ko magawang iunat ng maigi ang katawan. Panibagong kwento muli ang nasubaybayan ko sa MMK na nakakapagbigay ng inspirasyon. Kahit na ipinanganak na bingi, hindi naging hadlang sa kanya ang kapansanan upang ipagpatuloy ang kanyang pangarap. Dumating ang panahon na nagtagumpay ito at kahanga-hanga ang naging kapalaran niya. Hindi pa ko inaantok kung kaya naisipan munang makinig ng musika. Malapit ng sumapit ang hating-gabi ng mapagpasyahang matulog. Hirap naman akong makatulog ng ayos sapagkat patuloy na inaatake ng sipon at idagdag pa ang malamig na panahon.


January 18, 2015
Sunday

Year III-018

5q-w. Napawi na ang kagabing iniindang sama ng pakiramdam subalit dama pa rin ng buo kong katawan ang malamig na panahon at iyon muli ang nagpahirap sa akin upang bumangon. Ikaapat na araw na ng pananatili ng Santo papa sa ating bansa. Pangarap ko sanang magtungo sa Quirino Grandstand upang abangan ang huling pagkakataong masulyapan sa personal ang Santo Papa subalit iniisip ko ang kaakibat na panganib at kapahamakan na posibleng mangyari at baka maipit ako sa dami ng tao. Bukod pa roon ay may nagbabadyang masamang panahon at baka magkasakit sa ulan, ipinagbabawal pa naman ang pagdadala ng payong pagkat katwiran nila, matatakpan ang paningin sa Santo Papa. Kahit napakaginaw ng panahon, bumangon pa rin ako. Ano ba naman ito at dami muling hugasin sa lababo at parang ako parati ang ginawang tagahugas. Kahit medyo masebo ang bawat plato'y matiyaga ko itong kinuskos. Matapos maghugas, naisipan kong magtungo sa bahay nila Angelica.

5q-x. Nakakalibang ang manatili sa kanila pagkat kahit nakikita kong isang kahig, isang tuka lamang ang pamumuhay nila, nagagawa pa rin tumawa at parang wala silang pinoproblema, bukod pa roon ay masaya rin kausap si Angelica. Saglit lamang ako sa kanila at bago umuwi, naisipan ko munang bumisita sa bahay nila Cathy. Paghihimutok ang isinalubong sa 'kin ni Ate Ging at may pagmamaktol na sinambit na di ko na raw sila pinapansin. Dinipensahan ko ang kanilang paratang upang di naman lumayo ang loob at agad naman nilang tinanggap ang paliwanag ko.

5q-y. Nadatnan kong abala sila sa pagbibihis pagkat may pagsamba sila ngayon at todo udyok sa 'kin si Ate Ging na magsamba subalit di ako pumayag. Sa kabila na nagsisimba ako sa kanilang relihiyon ay may pusong Katoliko pa rin at di ako nagtungo roon upang yakapin ang kaugalian nila kundi may matutuhan sa salita ng Diyos. Kahit di na ako pumayag ay sige pa rin ang pangungumbinsi ni Ate Ging subalit kagustuhan ko pa rin ang nasunod. Hindi porket na di ka lang dumalo sa pagsamba'y tinalikdan mo na ang Diyos at may kanya-kanya tayo pamamaraan upang manalig.

 5q-z. Pagkauwi, halos wala ng mapaglagyan ang parke ng UST sa dami ng mga kabataang dumalo upang makaingkwentro ng paparating na banal na tao't nag-uumapaw na ang kanilang kagalakan lalo na ng masulyapan ng malapitan ang presensiya ni Pope Francis. Kahit bumubuhos na ang ulan ay di sila nagpatinag na makiisa sa Papal Events. Sayang at di ako nakadalo sa ganyang malaking pagtitipon pero ayos lamang kaysa naman maipit sa dami ng tao at magkasakit dahil sa ulan. Kasabay ng pagsisimula ng pagpatak ng ulan ang lalo pang pagsidhi ng nararanasang ginaw at pakiramdam ko, para akong nasa ibang bansa. Nakakatamad tuloy maligo dahil sa ginaw subalit pinilit ko pa rin. Matapos maligo, nag-siyesta ako. Sipon ang inabot ko pagkagising at di na mapigilan ang sarili na mangatog, tila marahil magkakasakit ako sa lamig ng panahon. Sa kabila na nagbabadyang sumungit ang panahon bitbit ng Bagyong Amang ay milyon-milyon pa rin ang nagsipagdalo sa hurling Misa ng Santo papa sa Quirino Grandstand.

5r-a. Tunay ngang hindi nababakli ang pananampalataya ng masang Pinoy, umulan man o umaraw o di kaya'y bumagyo pa. Habang papauwi na ang Santo papa sa Apostolic Nunciature ay doon nangyari ang tulakan at balyahan, marahil ay sinusulit na nila ang mga natitirang sandali na masilayan si Pope Francis at labis ang humaling nila nito na tila ngayon lamang nakakita ng Santo Papa. Maghapon na bumuhos ang ulan kaya naman pasidhi ng pasidhi ang nararanasang lamig. Sa lamig, ibinalot ko na lamang ang sarili sa kumot habang nanonood at patuloy pa ang pag-atake ng sipon. Sa sobrang sama ng aking pakiramdam, pinili kong matulog ng maaga.


January 19, 2015
Monday

Year III-019

5r-b. Ang araw ng pagtatapos ng pagbisita ng Santo Papa sa ating bansa at sa maigsing panahon na nakapiling natin si Pope Francis ay napakaraming mabubuting bagay agad ang natutuhan natin sa kanya, tulad ng huwag magnakaw, parating magpakumbaba sa kapwa at maging bukas palad, kahit ano pang estado mo sa buhay. Nalulungkot lamang sapagkat lilisanin na ng dakilang nilalang ang bansang Pilipinas subalit ako'y nagagalak dahil naging matiwasay ang pagdaraos ng Papal Visit at walang nangyaring masama sa Santo Papa, kung kaya nanatiling malinis ang imahe ng Pilipinas sa buong mundo. Hangga't nabubuhay pa ang Santo papa, may pag-asa pang makadaupang palad ko ito't malapit na iyon. Mukhang di ako pinatulog ng matinding sipon at walang puknat sa pagtulo, pakiramdam ko'y dadapuan na ng sakit na hinihiling na huwag namang mangyari pagkat may klase na kinabukasan at di ko na ibig pang lumiban.

5r-c. Dama muli ang malamig na panahon kaya mainit-init na kape ang siya kong agahan. Matapos magkape'y paghuhugas ng plato ang sunod kong inatupag, kaso ng matapos sa paghuhugas ay muli akong nadakdakan ni ina at parang hinuhugot paibaba ang aking puso ng marinig ang kanyang mga sinasabi. Kahit batid sa sarili na masama ang sumagot, nasagot ko pa rin ito. Kung siya kaya ang maghugas ng makita niya kung gaano kahirap ang paghuhugas ng maraming plato. Buti pa nga, kahit na di kagandahan ang pakiramdam ko'y pinipilit pa ring ampanan ang gawaing bahay. Lalo pang sumidhi ang hinanakit kay ina ng ako'y nagbabantay sa tindahan at kada may bumibili'y siya mismo ang nag-aasikaso't parang tangang nakatayo sa tabi, sa totoo lamang ay nainsulto ako sa pinaggagawa niya't akala ko, kaya niyang ibigay ang tiwala sa akin pero parang nagbago na ang impresyon sa kanya.

5r-d. Kakaalis lang ng Santo papa pero mukhang makakagawa ng di kanais-nais na bagay sa sama ng loob. Marahil ay may dalaw kaya nag-uumapaw ang init ng ulo, inunawa ko na lamang siya. Ipinagpatuloy ko pa rin ang pagbabantay sa tindahan kahit may dinaramdam na sama ng loob. Habang nagbabantay ay gumawa ako ng takdang-aralin sa English maging sa Filipino at di talaga biro ang mga katanungan. Ng bahagyang makaranas ng gutom, itinigil ko muna at kumain. Matapos mananghalian, balak ko sanang ipagpatuloy subalit bigla akong tinamad at isa pa'y sumasama na rin ang pakiramdam ko. Upang di lumubha'y idinaan na lamang sa pagpapahinga sa halip na gamot.

5r-e. Bahagya namang bumuti ang pakiramdam ko pagkagising. Gawa na walang maisipang gawin, buong maghapon akong nag-online sa Facebook. Kinagabihan naman at gawa na di pa inaantok, panonood ng video ang muling inatupag. Masaya nanaman ang gabi ko dahil sa nakakatawang drama at di maiwasang tumawa. Pakiramdam ko, parang walang tao kapag tumatawa't di sinasaisip ang mga masasabi ng iba. Kung may kakulangan ka man sa sarili o ipinanganak na kakaiba, huwag parating isaisip ang mga panghuhusga nila sayo pagkat wala iyon maitutulong, basta't alam mo sa sarili na wala kang ginagawang kasalanan at ituloy mo lang ang inaasam-asam na pangarap. Mga dakong ikasampo na ng magpasyang matulog at may pasok nanaman bukas.


January 20, 2015
Tuesday

Year III-020

5r-f. Balik eskwela muli at di ko man lang nasulit ang bakasyon dahil di nasulyapan ng personal ang Santo Papa. Lugmok pa ang mga mata dahil sa antok at hindi pa ibig ng sarili ang bumangon dahil humahadlang ang lamig subalit ayaw ko naman pakawalan ang kinabukasang kay ganda at matatamong kaalaman kaya iniangat ko pa rin ang sarili. Nakakatamad maligo pagkat malamig kung kaya nagpasya na lamang magpunas. Habang lulan ng dyip ay di ko batid sa sarili kung bakit sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay nahiligang maghanap ng poging pasahero at hindi maialis ang tingin kapag nasumpungan ko na ito, tila matutunaw sa kakatitig, lumiligaya ang araw ko kapag nakakakita ng gwapo at kating-kating akitin. Tumambay muna ako pagdating sa eskwela at tamang online lamang sa Facebook. Habang abala sa kaka-Facebook ay pansamantalang hiniram ni Ella ang phone ko’t nag-search.

5r-g. Pagkatingin, muntikan ng tumulo ang laway at biglang kumabog ng husto ang puso ng ipakilala niya sa akin ang lalaking kasama niya sa Photo at Timothy ang pakilala nito. Grabe, pamatay ang kanyang kakisigan at kahit sinong nilalang ay magkakandarapang bingwitin siya. Mukhang love at First sight ako sa kanya pero biglang naibsan ang pagnanasa ng makita sa personal at ipinabatid na may kasintahan na ito. Joke lamang pala itong naramdaman ko’t gusto ko ng itapon agad. Maya-maya pa’y umakyat na kami’t saktong kakapasok lang ni Ma'am Eloisa. Sa halip na magturo'y nagpamalas muli ito ng natatagong kulo't dahilan ng kanyang pagkayamot ang di naisikasong LCD. Halos madurog ang aming kalooban habang pinapagalitan ni Ma'am subalit humupa rin naman ang kanyang init ng ulo kinalaunan at nakapagturo pa hinggil sa Parts of Skeletal System. Bago niya kami lisanin, nag-anunsyo si Ma'am Eloisa na magkakaroon kami ng oral recitation sa Skeletal system ng palaka doon sa laboratory.

5r-h. Sa takot na lumagapak ang grado, naging puspusan ako sa pagkakabisado ngParts of skeletal system ng Frog at sa dami, Malabo kong makikisado ang lahat at di ko na maitago ang kaba sa dibdib. Hindi naman ako makapagrepaso ng ayos pagkat ang iingay ng mga kasamahan ko, lalong-lalo na si Anne Rose na puro pag-ibig ang laman ng isip at panay pa ang hagalpakan na tila kinikiliti sa kipay. Hinayaan ko na lamang sila at itinuon ang atensiyon sa pagkakabisado. Maya-maya, ang kanina na ako'y seryosong-seryoso sa pag-aaral, dahil di makatiis ay nauwi na rin sa pakikipagbiruan at di ko maialis ang pakikinig sa tuwing dinadaldal ni Anne Rose at Ella, ang ingay tuloy naming tatlo. Ilang saglit makalipas ng grupo na namin ang sumailalim sa oral recitation at lalo pang sumidhi ang kaba sa dibdib, bahala na kung makakapasa ba ako o hindi.

5r-i. Nang ako na ang natawag, laking galak sa dibdib pagkat madadali lamang ang katanungan ni Ma'am at agad ko naman nasasagot, kaso'y name-mental block ako paminsan-minsan. Kahit hindi ko naperpekto ang pagsusulit ay nanatili pa rin ang kagalakan sa kalooban at bilib sa sarili. Matapos ang oral recitation ay lumabas na kami at kumain. Tamang kwentuhan lang kaming magkakaibigan habang hinihintay ang oras ng PE at ang saya ng buhay kapag sila ang kapiling ko. Maya-maya pa, pumasok na kami sa Athletic Center at doon ipinagpatuloy ang kwentuhan na may kasama na ring kantiyawan. Sa oras ng PE, panibagong ensayo muli para sa practical test subalit di ako nakasali at naupo na lamang.

5r-j. Sa aking pakiwari habang pinagmamasdan ang kamag-aral ay tila di biro ang kanilang sayaw at nakakaubos ng lakas. Bukod sa mga kamag-aral ko'y may iba ring kurso ang nag-eensayo na kanilang kasalo't saktong si Sir Anton ang guro nila. Kawawa ang mga nagkakamali pagkat pasigaw na sinisita ni Sir Anton ang mga ito at katabi ko pa man din siya kung kaya nagugulat ako sa tuwing may sisigaw ito. Gawa na nakaupo lamang ako at walang ginagawa, sinamantala ang oras upang magrepaso sa Human Development. Diretso kulwit agad ng Android phone ang inatupag pagkauwi. Kinagabihan at sa takot muli na makakuha ng mababang marka, dibdiban akong nagrepaso sa Human Development. Naiinis lamang ako sa sarili dahil wala namang detalyeng pumapasok sa utak at tila kinakalawang, ganito na ba ako kamang-mang? Nang makaramdam ng antok, saka pa lamang ako natulog, goodluck sa maikling pagsusulit bukas.


January 21, 2015
Wednesday
Year III-021

5r-k. Mga dakong ikaapat na ng umaga ng magising ang katawang lupa ko. Hindi na inaantok pa kung kaya kaagad ng bumangon at nag-almusal. Habang nag-aabang ng masasakyan ay di ko inasahan na magkikita kami ni Sir Arnulfo, kamustahan kaming dalawa subalit saglit lamang at ikinatuwa ko ang kanyang mga sinabi't nakakabigay pa ng inspirasyon. Sa halip na dumeretso sa silid ay nanatili muna sa labas at ipinagpatuloy ang pagrerepaso. Maya-maya pa'y dumating na si Ma'am Ria at nagsimula na ang maikling pagsusulit. Hindi naging madali para sa akin ang pagsusulit at halos mangamote na nga sa pagsagot kung kaya ang naging resulta, bigo muli akong ipasa ang pagsusulit at labis kong ikinadismaya ang natamong marka. Nagkaroon pa ng pangkatang pag-uulat matapos ang pagsusulit. Sa oras naman ng Mental Hygiene, ipinagpatuloy namin ang pag-uulat hinggil sa kanya-kanyang suliranin. Nang sumapit ang oras ng Math, tuwa muli ang namayani sa dibdib ng aking kamag-aral maging ako pagkat wala muling guro, napaaga tuloy ang aming paglabas.

5r-l. Habang kumakain ng tanghalian ay napapansin kong di ako gasino kalakas sa pagkain at parang nawalan ng gana, nasayang tuloy ang ipinangbili na pagkain. Matapos kumain, tumungo muli kami sa library at doon nagpalipas ng oras. Habang ako'y nakatulala sa kawalan ay kanina pa sila umuungis at di ko mabatid kung ano ang pinagkakatuwaan nila. Sayang-saya sila sa kanilang pinagkakabalahan samantalang nagmumukmok ako sa iisang tabi at walang mangahas na kumausap. Kapag nagbibigay ako ng komento, parang wala akong kausap at di ko alam kung bakit ganoon sila makitungo sa akin. Marahil ay iba ang nasa isip nila kaya ininuwa ko na lamang. Kahit unawain ko'y bakit ganoon, tila out of place ako't nagkamali sa pagtingin sa kanila.

5r-m. Mukhang di na komportableng makasama sila at darating na sa puntong gusto ko ng umalis subalit ayaw kong magpadala sa aking nararamdaman. Napapanis na tuloy ang laway ko dahil di magawang umimik, buti na lamang at dumating si Adrian, saka lamang ako nagkaroon ng lakas na loob na magsalita. Maya-maya, bigla na lamang na-badtrip si Anne Rose at sabay nag-walk-out. Wala akong kamuwang-muwang sa kung anong dahilan. Iniisip namin na nag-iinaso lang si Anne Rose kung kaya di namin siya pinigilan at inakalang babalik. Pagkatungtong sa silid, mangiyak-ngiyak na pala ito't nagpupumiglas kapag sinusuyo. Hindi pala niya nagustuhan ang naging biro ng kasamahan ko kaya ito nagdamdam. Todo paliwanag kami sa kanya subalit di niya kami pinakinggan at patuloy ito sa pagtangis.

5r-n. Hinayaan muna namin siya at pasasaan pa't maayos din ang lahat. Buti na lamang at di ako nagpanaig sa emosyon at ayaw kong magkasira-sira ang pagsasamahan namin. Ilang sandali makalipas, pumasok na si Sir Pablito. Sa buong oras ng Filipino, wala kaming ibang ginawa kundi pag-usapan ang tungkol sa paggawa ng Thesis. Mukhang masama pa rin ang loob ni Anne Rose sa amin pagkat di ito umiimik subalit ng maglaon ay tila nagbago ang ihip ng hangin ng kibuin niya kami at kausapin. Natutuwa ako pagkat napatawad na niya sila at nawa'y huwag ng maulit ang kanina. Sa oras naman ng Social Science, nanood lamang kami ng Video. Maya-Maya, English time na't sa wakas, may guro na rin at nagturo lamang siSir Ubenia. Pagkauwi, laking gulat at tuwa ko sa muling pagbisita ni Tita Susan subalit  di na kami nakapagkwentuhan pa pagkat inaantok na ko at nakatulog kaagad.


January 22, 2015
Thursday
Year III-022

5r-o. Nagising na lamang dahil sa malakas na tunog ng alarma. Madaling araw pa lamang pala at gawa na wala kaming pasok ng ganitong araw, ipinagpatuloy ko ang pagtulog. Sa muling paggising, hindi naging kagandahan ang araw ko dahil muling tinamaan ng sipon at ang lamig pa ng panahon, kaya lalo pang sumasama ang aking lagay. Mainit na kape ang naging panlaban ko sa nararanasang lamig. Matapos magkape, pagpe-Facebook muli ang inatupag ko at di mabatid sa sarili kung bakit nahilig ako sa ganong gawain na dati naman ay hindi. Nakakaadik ang mag-Facebook at kapag ikaw ay naadik, tiyak na di maawat ang sarili. Nakaligtaan ko na ngang may dapat akong gampanan dahil lamang sa Facebook at kahit na di ako nagpe-Facebook, laman pa rin ng isipan at natutukso. Kahit may nararamdamang sama ng pakiramdam o balakin na dapat isakatuparan, nakakalimutan ang lahat dahil sa Social Media. Sa kaka-Facebook ng walang humpay, muli akong nabungangaan ni ina.

5r-p. Hindi ko naman siya masisi kung ganoon ang kanyang reaksyon. Nilibanan ko ang humaling sa pagpe-Facebook at ginampanan muna ang gawaing bahay. Pagkatapos ay naisipan kong maglaba at tamang-tama ang magandang sikat ng araw upang makapagpatuyo ng ayos. Sa dami ng nilabhan, nangaubos ang lakas ko at pansamantalang nagpahinga. Habang nakaupo'y libangan ko ang magtinda at makipagkwentuhan kay Tita Susan. Palitan kami ng kwento mag-tita at di ko mabatid kung bakit ang gaan-gaan ng loob ko sa kanya, samantalang tiyahin ko lang naman siya. Kapag may ibig akong sabihin, di ako nahihiyang ilahad sa kanya't sa pagkakaalala ko sa kanya, marami na siyang magandang bagay na nagawa sa akin at patuloy ko iyon itatak sa isipan. Maya-maya, oras na upang kumain at sa gutom, diretso tungo agad sa mesa at walang pasubali sa paglantak.

5r-q. Kinahapunan, sinimulan ko ng gawin ang assignment sa General Zoology at iyon ay paglalapat ng kulay sa bawat parts ng buto ng Palaka. Ang tsaka naman ng gawa ko kaya nawalan ng ganang tapusin at inisip na ipagpatuloy sa ibang araw. Sa halip na takdang aralin ang atupagin. Heto muli ako't maghapong nagpapakaadik sa Facebook hanggang gabi. Ganito nga talaga ang pag-uugali nating mga Pinoy, kapag nahilig sa iisang bagay na nauso, patuloy na tatangkilikin at di magagawang iwanan dahil sa umiiral na tukso, kaya sa halip na ilaan ang nalalabing oras para sa mahahalagang bagay, napupunta lamang sa iyong hilig at hindi na alam kung paano magbalanse ng oras. Hindi naman masama kung maglibang basta nasa tamang panahon at huwag sobra-sobra. Sumapit na ang ikasiyam subalit ay dinig ko pa rin ang ingay mula sa labas. Pinagsabihan ko sila at natutuwa naman ako pagkat nasasabihan sila. Ng bahagyang makaramdam ng antok, saka lamang naisipang natulog.


January 23, 2015
Friday
Year III-023

5r-r. Ibig ko pa sanang huwag munang bumangon at ipikit ang mata ng napakatagal hanggang sa maibsan ang antok subalit baka mahuli naman sa pagpasok kaya di na pinatagal pa ang pagbangon. Naabutan na ko ng sinag ng araw ng lisanin ang tahanan at patay, napakahaba pala ng pila sa antayan ngtricycle at malaki na ang posibilidad na mahuli sa pagpasok at masampulan ni Ma'am Eloisa subalit di natuloy ang kinakatakot ko. Habang wala pang guro, sige kaming magkakaibigan sa kuhaan ng litrato at todo sikap sa paghahanap ng tamang anggulo. Nayayamot lamang ako sa sarili pagkat wala talagang Facial Expression at kahit anong pilit ayusin ang post, mistulan pa rin akong poste na walang kamuwang-muwang sa Mundo, labis tuloy akong nadidismaya. Kanya-kanyang balik sa upuan ng pumasok si Ma'am Eloisa at laking gulat namin ng bigla nitong ianunsyo na ngayon na magsisimula ang dissection para sa Palaka.

5r-s. Karamihan sa amin ay hindi nakapagdala ng tool kit at yung iba'y di pa nakakabili kaya todo pakiusap kami kay Ma'am na huwag munang ituloy ngayon at isa pa, wala naman siyang sinabi nung last meeting tungkol diyan para makapaghanda kami at pabigla-bigla siya. Napakiusapan naman si Ma'am Eloisa kinalaunan at diyos ko, basta sa subject ni Ma'am, daming problema at di muli kami gagamit ng labroom dahil maghahanap muli ng silid para sa lecture. Pwede naman kasi siyang magturo sa laboratory. Hinggil sa Muscular system ang kanyang itinuro at tama siya, dapat nagbabasa kami para makasunod sa kanyang lecture. Sa totoo lamang ay hindi biro ang subject niya at mas mahirap pa sa aming Major subjects. Matapos ang klase, tulong-tulong kami sa paghahanap ng silid.

5r-t. Nagkaroon lamang ng konting kalituhan sa isip pagkat hindi malaman kung saan talaga kami magkakaklase, nagpasya na lamang sabihin Kay Ma'am Eloisa na sa Laboratory na niya ganapin ang lecture dahil walang mahanap na bakanteng silid. Buti na lamang at natauhan si Maam at napapayag din na sa laboratory magklase. Sa kakalakad at idagdag na rin ang pag-akyat ng mataas, labis na pagkahapo ang inabot namin at kakapagod maging guro si Ma'am Eloisa. Pagod na nga ako tapos inutusan pang kumuha ng Muscular body. Hindi ko akalain na ganong kabigat ang effigee ng Muscular body kaya pahirapan sa akin ang buhatin, nangailangan pa ko ng tulong. Pagkabalik namin sa laboratory, biglang inanunsyo ni Maam na magkakaroon kami ng Quiz.

5r-u. Pag-uugali na talaga ni Maam ang pabigla-biglang anunsyo't di man lang kami nakakapaghanda. Habang di pa nagsisimula, dibdiban akong nagrepaso, kaso ng quiz na, labis akong nahihirapan at tila naba-blangkoang utak, kaya ang naging resulta'y mababang marka ang natamo. Nakapagturo pa si Maam at kung sinuman ang nakakasagot ay binibigyan niya ng additional points sa quiz, kung kaya paunahan kami sa pagsagot at napipilitan ang karamihan sa amin sa pagbabasa. Hindi pa pala ako nakakabili ng tool kit na kakailanganin para sa dissectionng palaka kung kaya agad akong humingi ng pera kay Mama pag-uwi. Sa halip na pumayag ay nagbitaw pa ito ng mga salita kaya nagtatalo pa kami. Nakumbinsi ko naman ito kinalaunan. Medyo nakakaranas na ko ng hilo kaya matapos kumain, kaagad ng natulog. Nanatili pa rin ang pagkahilo ko kahit nakapagpahinga na, hindi naman ako nasusuka. Hindi ko mabatid kung ano ang mali sa katawan ko at di naman ako buntis, lalo na’t barako pa rin kahit puso’y bulaklakin. Napawi naman ang hilo ng sumapit ang gabi at muli, panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Mga dakong ikasampo na ng maisipang matulog.


January 24, 2015
Saturday

Year III-024

5r-v. Nagkalat na ang liwanag sa labas ng ako'y magising at panibagong araw muli ang kakaharapin na may dalang sigla at punong-puno ng pag-asa. Dama muli ang malamig na panahon kung kaya pahirapan sa akin ang bumangon at gusto pang ibalot ang sarili sa makapal na kumot subalit pinilit ko pa rin. Tambak muli ang hugasin sa lababo, wala namang ibang maasahan pagdating sa paghuhugas kundi ako lamang at hindi maialis ang makapal na sebo kahit magkandagasgas na ang palad sa kakakuskos. Matapos maghugas, pagwawalis naman ang sunod na pinagtuunan ng panahon. Medyo sinisipag ako ngayon kung kaya makakayang linisan maging sa kasulok-sulukan, iyon nga lamang ay sinipon muli dahil sa dami ng nalanghap na alikabok. Marami-rami na ring ginawa pero pakiramdam ko'y tila hindi nababawasan ang lakas at sa dami, halos maligo na ko sa sariling pawis.

5r-w. Nang matapos sa gawaing bahay, naisipan ko pang maglaba. Habang abala sa pagkukusot, doon lamang ako nakaramdam ng pagod at nagugutom na rin. Natapos din sa paglalaba, kaso makulimlim at di magandang pagkakataon upang makapagpatuyo ng mabilisan. Sa tindi ng nararanasang gutom na kanina pa iniinda, diretso tungo kaagad ako sa mesa't sabay dampot ng nakahaing ulam. Naparami ng husto ang kain ko't tila walang kabusugan. Hinayaan ko munang matunawan bago mag-siyesta. Pagsapit naman ng hapon at gawa na batong-bato muling manatili sa bahay, naisipan kong tumungo sa Computer shop. Naging Payapa ang buong loob ng shop kung kaya maayos kong naisagawa ang ibig gawin.

5r-x. Matapos magkumpyuter, naisipan ko pang gumawi kila Angelica. Napapansin kong masyado itong mailap at di man lang namamansin kapag tinatawag, marahil ay may bagay itong hindi nagustuhan sa 'kin subalit nagkamali ako sa aking hinala at may iba lamang itong iniisip. Halos magkalasub-lasub na ang lalamunan ko pagkat di maawat ang sarili sa pagtawa at sobrang saya ng buhay ko kapag kausap si Angelica at dinaig pa ang mga kengkay kung magpatawa. Sa saya't sarap ng aming pag-uusap, nanatili pa ko sa kanila hanggang sa dumilim. Saka lamang nagpasyang umuwi ng maghapunan na sila't pagkain agad ang inatupag pagkauwi.

5r-y. Panibagong kwento muli ang natunghayan ko sa MMK na nagbigay inspirasyon sa lahat ng binabaeng patuloy na inaalipusta't pinagkakaitan ng pagmamahal at pagtanggap ng pamilya o kahit sinuman. Hanga rin ako sa ipinakita ng bidang tauhan pagkat sa kabila ng maraming mabibigat na pagsubok ang dumatal sa buhay, sa halip na sumuko'y nagpakatatag ito at hindi natakot na lumaban hanggang sa malampasan niya ang lahat ng mga iyon at makamtan ang matagal na minimithi na matanggap siya ng kaanak at ipadama sa kanya ang pagmamahal. Hindi siya tunay na babae subalit may nangahas pang pumatol sa isang gaya niya at imported pa, iyon nga lamang ay naloko ito sa huli. Magkahalong kilig at lungkot ang umiral sa dibdib at gustong-gusto ko siyang tularan, huwag lang sa pag-ibig. Mugtong-mugto na ang mga mata ko sa antok kaya di na nagpatumpik-tumpik pa sa pagtulog.


January 25, 2015
Sunday
Year III-025

5r-z. Sumapit nanaman ang araw ng Linggo, araw upang tayo'y magsamba sa ating dakilang panginoon at paniguradong punuan muli ang mga pook pasyalan dahil sa dami ng namamasyal at sinusulit ang maikling panahon na magkakasamang buo ang pamilya. Dalangin ko na sana'y parating Linggo upang parating magkaroon ng sapat na panahon na makapagpahinga at igugol ang sarili sa pamamasyal at higit sa lahat, magkaroon tayo ng panahon kay God. Kaso'y napakaimposible ng aking hinihiling. Tumirik na ang haring araw sa labas ng dumilat ang dalawang mata, nagpapasalamat ako sa maykapal pagkat hindi niya hinayaang may mangyaring masama sa akin sa magdamag. Habang sarap na sarap sa pagkain ng agaha'y muli kong natikman ang maanghang na sermon ni ina at panay pa ang sumbat nito na akala'y ipinapamukhang di pa ko marunong tumayo sa sariling paa.

5s-a. Nadala ako sa mga sinabi ni ina at nasa hustong edad na ko at kailangang sanayin ko na ang sarili na huwag palaging iasa sa magulang ang lahat ng pangangailangan. Matapos mag-almusal, kahit di ako bihasang mamalantsa ng uniporme ay nagkusang loob na ako. Sa katunayan, unang beses ko pa lamang humawak ng plantsa sa tana ng buhay ko at medyo nangangapa-ngapa pa sa paggamit nito kung kaya pamaya't maya ang aking tanong. Si Mama naman, kung makagpaturo'y parang ang layo ng kausap at halos ikawasak ng pandinig ang kakasigaw niya, tapos ay todo mura pa sa akin kaya di maiwasang mayamot subalit hinabaan na lamang ang pasensiya't isa pa'y pursigido akong matutuhan ang paraan ng pamamalantsa.

5s-b. Nang una'y pahirapan sa akin ang mamalantsa subalit nadalian naman kinalaunan at kaagad kong nakuha. Labis kong ikinaenganyo ang pamamalantsa at sa enganyo, maging mga pundang nakatiklop ay di pinalagpas sa mainit na plantsa't di kakikitaan ni katiting na gusot pagkatapos plantsahin. Sa dami ng aking plinantsa, inabot na ng kulang-kulang isang oras. Sumunod ay paglalaba naman ang aking inatupag. Makasunog balat na ang sikat ng araw at perpekto ang panahon na ito upang madaling matuyo ang sinampay. Matapos maglaba'y paglalapat naman ng kulay sa bawat buto ng palaka ang inatupag ko't bakit ganoon, hindi ko man lang magawang mawili sa ginagawa't patuloy na umiiral ang katamaran subalit iyon ay nilabanan. Dahil sa sipag at tiyaga, natapos ko rin kinalaunan ang pagkukulay sa buto ng Palaka't nahalina ako sa rikit at tingkad ng kulay nito.

5s-c. Gawa na sa Martes na kami magsisimula ang dissection ng palaka, lahat ng kagamitang kakailanganin ay inihanda ko na't maging ang sarili ko sa posibilidad na magsuka dahil sa pandidiri't tapang ng Formalin. Natataranta pa naman ako kapag nakakakita ng dumadanak na dugo't natatakot titigin. Habang abalang-abala sa paghahanda na halos di na nga magkandaugaga ang biglaang pagbisita ni Kuya Michael at tiba-tiba muli sa pasalubong. Nang makapaghanda, ibig sana ng sarili na igugol ang libreng oras sa paglalakwatsa subalit di ko magawa dahil nakaatang sa akin na responsibilad na dapat gampanan. Abala si ina sa pagbabantay sa tindahan samantalang may pinuntahan si Papa at ate kung kaya nagkusang loob ng magsaing. Medyo nayamot lamang ako dahil di nakapagluto si Mama ng hapunan at pwede naman munang iatas sa akin ang magbantay sa tindahan habang may ginagawa siya. Dumelehensiya na lamang ng makakain at sa totoo lamang ay kanina pa kumakalam ang sikmura kaya di ko mapigilang magtanim ng hinanakit. May pasok muli kinabukasan kung kaya di na nagpatumpik-tumpik pa sa pagtulog matapos manood ng telebisyon.


January 26, 2015
Monday
Year III-026

5s-d. Mga dakong Alas-kwatro na ng madaling araw ng magising diwa ko at tila pinipigilan ng malamig na panahon sa pagbangon subalit di ako nagpanaig. Ang ganda't sigla ng umaga ko at sana'y magtuloy-tuloy hanggang sa matapos ang araw na ito. Nakakapanibago lamang sapagkat sumapit muli ang araw ng Lunes at parang isang iglapan lamang ang pagdaan ng Weekend. Mangilan-ngilan pa lamang kamag-aral ang nadatnan pagkarating sa unibersidad. Ilang sandali pa, pumasok na si Ma'am Ria at gaya ng mga nakalipas na araw ay nagkaroon pa rin ng pag-uulat, habang nag-uulat ay sinabayan ni Ma'am ng recitation at exempted sa darating na pagsusulit kung sinuman ang makakasagot. Ayaw kong pakawalan ang pagkakataon na ibinibigay ni Ma'am at kahit di sigurado sa isasagot ay lakas loob akong nagtaas ng kamay at ipinaliwanag ang katanungan subalit bigo kong masungkit ang hinahangad at marahil ay di nalinawan si Ma'am sa aking mga sagot.

5s-e. Sa oras ng Mental Hygiene, nagturo lamang si Ma'am Trisha. Ng kalagitnaan na ng discussion ni Ma'am ay biglang pumasok ang di kilalang Professor at nag-anunsyo. Magkakaroon pala kami ng Evaluation at lahat ng mga hinanakit namin sa mga Professor ay maibubuhos sa pamamagitan ng pagbibigay ng puntos at paglalahad ng komento. Maigi na parating may Class evaluation para doon lamang ay makabawi ka sa Professor na nagbigay pasakit sa'yo. Sa oras naman ng Math ay nagturo lamang si Ma'am Domingo hinggil sa Trigonometry identities at anong hirap ng lesson sa Math, sa hirap ay nangamote na nga ako ng magkaroon kami ng activity at sumasakit lamang ang ulo kapag pilit na inuunawa.

5s-f. Maya-maya at sa wakas, natapos din ang kalbaryo ng utak sa Mathematics at muntik-muntikan ng mabuwang. Sa library muli naming naisipang tumambay matapos kumain at tsika-tsika lamang, hindi mapigilang ilabas ang ngala-ngala sa tuwing may naikukwentong kabalbalan ang bawat isa sa amin at para kaming tinakasan ng bait sa kung anong ginagawa subalit masaya naman. Sa oras ng Filipino, binigyan muli kami ng panahon ni Sir Pablito upang pagplanuhan ang tungkol sa paggawa ng Thesis. Kahit karaniwang madidinig na hindi basta-basta ang gumawa ng thesis ay maging madali sana. Hindi muling mapigilang humalakhak ng todo sa oras ng Social Science at mistulan talagang Comedy bar ang silid kapag si Sir Marvin ang nagtuturo, dami alam na kalokohan at ipinapakita pa sa amin.

5s-g. Bukod pa roon ay ibinida niya ang nasungkit na parangal at sa halip na matuwa, nayayabangan ako sa kanya’t puro hangin ang lumalabas sa bibig. Sa oras naman ng English ay nagkaroon kami ng Long test at di naging madali sa akin ang naturang pagsusulit. Buti na lamang, biglang nagbago ang isip ni Sir at pinayagan na kamingtumingin sanotes subalit kinapos na sa oras kung kaya take home Quiz na lang. Pagkauwi, nakakalungkot na balita ang nabatid ko ng di palarin na maiuwi ng ating pambato ang korona bilang MS. Universe 2014 at matapos ang apat na taon na sunod-sunod na panalo ay ngayon lamang tayo natalo. Kahit di nanalo'y natutuwa pa rin ako dahil nakapasok naman siya sa sampung pinakamagandang kandidata sa buong mundo. Bago pa man ako natulog, pag-aayos ng kagamitan para sa Dissection ng Palaka bukas ang pinagkaabalahan ko. First time lamang manghihiwa at makakahawak ng lamang loob ng palaka kung kaya ngayon pa lang ay labis ko ng inihahanda ang sarili.


January 27, 2015
Tuesday
Year III-027

5s-h. Ito ang araw na aking hinihintay at kinasasabikan sapagkat ngayon gaganapin ang experimentation at iyon ay mag-dissect ng palaka, nakakadiri man kung iisipin ay walang magagawa kundi lakasan ang loob dahil nandoon nakasalalay ang magandang grado. Mga dakong Alas-kwatro ng madaling araw ako gumising subalit mga bandang Alas-sais na naisipang bumangon dahil napagpasyahang huwag ng dumalo sa oras ng lecture kundi sa laboratory na lamang upang bigyan pa ng sapat na oras ang sarili na makapaghanda. Sa katunayan ay nanatili pa rin ang kaba sa dibdib sa mga posibilidad na maaring mangyari pero nilalabanan ko at handang-handa na. Mga dakong ikawalo na ng makarating sa eskwela at halos magkandakuba na sa dami at bigat ng dalahin. Dumeretso na agad ako sa may labas ng laboratory at doon nanatili.

5s-i. Ilang sandali pa, dumating sila na sina Anne RoseElla at Enzo at ang kaninang ako na tahimik, biglang umingay. Sa dami ng mga kakailanganing kagamitang nakalapag ay mistulan ng Junk shop ang labas ng laboratory at kanya-kanya na kaming pagbibihis habang di pa nagsisimula ang dissection. Maya-maya pa'y pumila na kami at isa-isang pumasok sa budega upang damputin ang nakaimbak na Palaka. Ng mga oras na iyon ay di ko na maiwasang mandiri habang mabusising dinadampot ang palaka subalit kinaya ko. Nakakasakit din sa ilong ang amoy ng Formalin at halos maliyo na sa tapang nito. Ang inakalang magda-dissect ng palaka'y nagkakamali at tinanggalan lamang namin ito ng balat. Hindi biro ang pagbabalat at isang oras ang bubunuin bago mabalatan ng buo ang Palaka. Kahit nakasuot na ng Mask ay naamoy ko pa rin ang Formalin at gusto ko ng itigil ang pagbabalat sapagkat hilong-hilo na subalit ipinagpatuloy ko pa rin. Inalagak agad namin sa malaking lalagyanang bote matapos balatan ang kaawa-awang Palaka't sa muling pagkakataon ay isasalang ko ang sarili sa nakakasulusok na Formalin habang ibinubuhos sa bote. Habang lumlipas ang oras ang papasidhing hilong nadarama at tila nag-iba ang pakiramdam ko.

5s-j. Sa hilo, nawalan na ko ng ganang kumain subalit pinilit ko pa rin at huwag sanang magsuka. Pinigilin kong huwag magsuka upang hindi mabaon ang sarili sa kahihiyan subalit sa tindi na ng hilo'y di ko na natiis pa. Bukod sa nasusuka'y umiinog na ang paningin ko't muntik-muntikan ng himatayin. Napakasungit na nga ng lagay ng aking sarili at gusto parating nakaupo o nakahiga. Labis ang pag-aalala ng kamag-aral ng makita ang sinasapit ko at sa pag-aalala, tulong-tulong sila upang ako'y mahimasmasan. Natutuwa naman ako kahit di na kagandahan ang pakiramdam pagkat matindi ang pagmamalasakit nila sa akin at kay babait nila.

5s-k. Maya-maya pa'y dumating na ang ban at kapit-bisig nila akong isinakay upang dalhin sa Clinic. Malamig at malambot ang higaan sa Clinic subalit hindi ako makapagpahinga ng maayos dahil maingay. Nang bahagyang bumuti ang pakiramdam, nagpasya na kong tumayo at sa bahay na lamang nagpahinga. Medyo nahihilo pa rin kung kaya kaagad na natulog pagdating sa bahay. Grabe ang naging epekto sa akin ng Formalin at pakiwaring katapusan ko na kanina subalit nagpapasalamat pagkat walang di naging malubha ang pangyayari. Malapit ng dumilim ng ako'y magising at parang bula kung maparam ang hilo. Ingat-ingat na lamang sa paggamit ng Formalin upang di na maulit pa ang kanina. Gawa na di pa ko inaantok, naisipan ko munang manood ng pelikula. Ilang saglit makalipas, natulog na ako.


January 28, 2015
Wednesday

Year III-028 

5s-l. Medyo naghahari pa ang antok sa buo kong pagkatao subalit maaga na at kailangan ko ng awatin ang sarili sa pagtulog. Nang makaalpas ang yapak sa eskwela, laking gulat ko at tumaas agad ang tensyon sa dibdib ng ipabatid na magkakaroon muli ng maikling pagsusulit sa Human Development, nabigla ako sa aking nalaman at sa kagustuhang makakuha ng magandang marka, dibdiban akong nagrepaso habang wala pa si Ma'am Ria. Maya-maya pa'y dumating na si Ma'am at nagsimula na ang pagsusulit. Naiinis lang ako pagkat di lumabas sa pagsusulit ang lahat ng nirepaso ko kung kaya pahirapan sa akin ang sumagot at nganga. Nang maiwasto'y wala pa sa kalahati ang natamo kong marka at labis ng umiiral ang Frustration ko.

5s-m. Sa oras naman ng Mental Hygiene, nagturo lamang si Ma'am Trisha at nakakatuwa siyang maging guro pagkat bukod sa di madalas nagbibigay ng pagsusulit, nagkukwento pa siya tungkol sa kanyang buhay maging sa love life kaya hindi maiwasang tumili at kiligin, parang di na seryoso ang naging pagtuturo ni Ma'am pagkat puro pag-ibig na ang laman ng Discussion pero masaya. Sakit muli sa ulo ang aking napapala sa oras ng Mathat hirap intindihin ang Trigonometric identities. Kahit nahihirapan ay hindi ako tumigil sa pagso-solve hanggang sa ito'y tumumpak at nabigyan ng pagkakataong i-recite sa blackboard.

5s-n. Ilang sandali pa, Lunch break na at gawa na kanina pa iniinda ang gutom, hindi ko na nahintay pa ang mga kasamahan sa pagkain at diretso lantak pagkaupo pa lamang. Ang kaninang seryoso at tahimik na kaming kumakain, nauwi sa harutan at marahil ay nabubulahaw na ang mga kostumer sa gulo namin. Sa oras ng Filipino, pulong nanaman tungkol sa paggawa ng Thesis, sa halip na pag-usapan ang ukol sa gagawing thesis ay kanya-kanya kaming kwentuhan kung anuman ang nilalaman ng isipan. Ano ba 'to at nagturo muli si Sir Pablito, inaantok tuloy ako subalit napawi naman ng magkwento si Sir at hindi namin mapigilan ang tumawa. Sa oras naman ng Social Science, interesting ang lesson pagkat tungkol sa Gender identity ang topic, panay ako sa pag-ilag upang di matamaan sa itinuturo ni Sir. 

5s-o. Sumapit pa ang ilang sandali, English time na at patay, pagkat nawawala ang long test paper ko. Hinalughog ko na kung saan-saang lupalop ng bagsubalit di ko masumpungan, kinailangan ko tuloy humingi ng Original Copy kay Sir Ubenia at agad naman ito pumayag. Nakaramdam lamang ako ng kaunting inis sa mga kamag-aral pagkat porket magkasama kami ni Echaluce sa labas upang mag-take ng long test ay panay hiyawan sila at itinatambal pa sa akin ang pangalan nito, di ko na lang sila initindi sa kanilang kabaliwan lalo na't di naman totoo at wala akong nararamdaman sa kanya. Manhid na kung manhid basta ayaw kong ipilit ang sarili sa taong di ko gusto, maging si Sir ay nili-link din ako Kay Echaluce at masyado silang malisyoso.

5s-p.  Dati kay Aldwin, tapos ngayon kay Echaluce naman at wala sa kanila ang natitipuhan ng puso ko. Lundagan kami sa tuwa ng uwian na't tamang kwentuhan lamang sa Jeep, hindi ko batid sa sarili kung bakit sumasaya ang araw ko kapag may kumakausap sa akin o pumapansin. Pagkasakay sa toda, naloko na't mali ang nasakyan ko't patungo palang ibang lugar, ng makarating sa may mismongterminal at kahit pagod na, naglakad pa ko, makauwi lamang. Habang naglalakad ay naalala ko nung High School pa na kapag uwian ay naglalakad lamang ako at di alintana ang pagod, doon ko lamang napagtanto na matagal ko na palang di ginagawa iyon. Sa layo ng nilakad, lalo pang tumindi ang pagod ko. Pagpe-Facebook at YouTube ang inatupag ko bago matulog. Sumapit na ang Alas-onse subalit di pa mugto ang mata subalit kailangan ng matulog at huwag ng puyatin ang sarili.


January 29, 2015
Thursday
Year III-029

5s-q. Pagkagising ng katawang lupa ko kinaumagahan ay mapupusok at nag-uumapoy na boses ni ina agad ang naulinig ko't mukhang may diskusyon sila ni ama. Iyon pala, tungkol sa napabayaang nakabukas na eskaparate sa tindahan ang dahilan kung bakit halos ikasabog na niya sa tindi ng init ng ulo't laking gulat na lamang ng idawit ang pangalan ko ni Papa at walang kaalam-alam sa kanilang sinasabi. Hindi na magawa pang tanggapin ang paratang nila sa akin kung kaya bumangon na ko kahit mugto pa ang mga mata sa antok upang ipagtanggol ang sarili. Ako pa ngayon ang lumalabas na sinungaling samantalang nagsasabi na nga ng totoo at sapilitan nila akong pinapaamin kahit wala naman dapat aminin. Sukdulan ang pagtataka ko sa mga isiniwalat ni ama na nakita niya raw ako kagabi na lumabas at nagbukas ng eskaparate samantalang sa pagkakaalam ko'y di ko naman ginawa at dumeretso kaagad sa kwarto matapos magkulwit ng Cellphone sa kusina.

5s-r. Todo pagpapaliwanag ako sa kanila subalit ayaw nila akong paniwalain pagkat buong akala nila, pawang kasinungalingan ang nasasambit ko. Tumimo na lamang ako't bahala na sila kung ano ang gustong paniwalaan basta't alam sa sarili na nagsasabi ako ng totoo at saksi ang Diyos. Humupa naman ang alitan namin magpamilya kinalaunan at tila nabaon sa limot ang tungkol sa nangyari kanina. Gawa na nababato muli ang buhay ko kung kaya naisipang maglaba. Kanina, napakaaliwalas ng panahon tapos biglaang kumulimlim at tila di umaayon sa akin ang panahon. Matapos ang paglalaba, paglalagay naman ng numero sa bawat pin ang inatupag ko. Medyo matrabaho ang aking ginagawa kung kaya muntikan ng abutin ng siyam-siyam.

5s-s. Kinahapunan, pagsusulat naman ng kanta ang naging libangan ko maging sa pagsapit ng gabi. Heto naman si ina, muli nanaman dumakdak at ako pa ang napagbuntunan ng kanyang pagkaaborido, mapupusok at nakakatusok sa dibdib ang kanyang mga sinasabi, di ko na makaya pa ang sinasabi nito kung kaya di napigilang sagut-sagutin siya at labis ang imbyerna ko dahil sa kanya, tapos sinasabon pa niya ang lahat ng ginagawa ko at dami niyang sinasabi, sa tindi ng yamot, darating na sa puntong gusto ko na itong murahin at itapon ang pagrespeto sa kanya kaso di ko ginawa pagkat utang ko sa kanya kung bakit ako naririto sa Mundo. Inunawa ko na lamang siya at marahil ay ganon talaga kapag nagkakaedad na, dumadalas na ang pag-init ng ulo't lalo na kapag babae.


January 30, 2015
Friday

Year III-030

5s-t. Nagbabalik muli ang malamig na panahon kaya pahirapan sa akin ang bumangon at tanging mainit na kape lamang ang naging panlaban ko sa nararanasang ginaw. Tila kay sigla ng araw ko at pakiwaring walang daratal na problema at magkatotoo sana ang aking iniisip. Dami ko muling bitbit para sa ikalawang Frog Dissection at pagod ang inabot ko pagkadako sa eskwela. Nagdala-dala pa kami ng dissection kit, hindi naman pala matutuloy ang dissection ng Palaka pagkat ilalaan ni Ma'am Eloisa ang oras sa laboratoryupang maghabol ng lecture. Dugo't pawis ang inilaan ko, para lang mapaghandaan ang susunod na session tapos di naman pala matutuloy subalit nauunawaan ko si Ma'am. Bago magturo si Ma'am, inutusan niya kong kumuha ng Parts of the brain at sa tayog ng inakyat ko, labis akong napagod pagkarating sa taas.

5s-u. Nakaka-turn-off ang kausap kong professor habang humihingi ng request form pagkat napakasungit at dinaig pa ang babaeng may dalaw. In fairness, may hitsura ito at maputi subalit di ko hinayaang maakit sa kanya. Ano ba 'to at tira-tirang parts lamang ang ipinahiram niya sa akin at naka-reserve daw yung magandang model, hindi tuloy nasiyahin sa akin si Ma'am at pahirapan sa amin ang makasunod sa lesson. Kung may lakas lamang ako ng loob, nagawa ko pa sana siyang pakiusapan. Maya-maya'y sa laboratory naman kami nagklase. Kahit minsan ay may tinatagong inis kay Ma'am, di ko maiwasang mahabag sa kanya pagkat palagay ko, puro kunsomisyon kami sa kanya. 

5s-v. Binigyan na nga ng hard copy para maging gabay sa lesson, tapos ayaw pang tanggapin ng iba kaya nagagalit si Ma'am at nasasayang lamang ang oras dahil sa panenermon. Appreciated ko ang kabaitan ni Ma'am at gagawin niya ang lahat upang di kami bumagsak. Nakakapanibago lamang ang araw na ito sapagkat may make-up classes kami para sa PE at tila ibig ko ng umuwi subalit di nagpanaig sa tukso. Matapos kumain, dumeretso na kami sa may labas ng Atlethic Center at doon tumambay, saya talaga ng araw ko kapag kasama sina Anne Rose at Matthew at nakikisabay na lang sa kalokohan. Sa halip na sa Atlethic Center ganapin ang klase ay sa Covered Court. Nababato muli ako dahil tutunganga muli habang pinagmamasdan ang kamag-aral na hapong-hapo na sa kakaensayo ng sayaw. Naibsan naman ang pagkabato ko ng bigyan ni Sir ng pagkakaabalahan.

5s-w. Lumipas ang mahigit sa dalawang oras, uwian na. Habang lulan ng Bus ay nahalina ako sa ganda ng Float parade na inaarangkada sa kahabaan ng kalsada at daming naggagwapuhan at naggagandahang kalahok subalit panandalian lamang. Kinagabihan at kahit di ko direktang napagdadaanan ang kanilang pinagdaraanan ay di ko maiwasang malungkot at dama ko ang sakit na mawalan ng mahal sa buhay. Hanga rin ako sa katapangan ng apat na pu't apat na sundalong nasawi sa bakbakan pagkat binuwis nila ang buhay alang-alang lamang sa kaligtasan ng bayan laban sa MNLF at makabuluhan ang kanilang pagpanaw. May lakad pa kami bukas kung kaya maaga akong natulog.


January 31, 2015
Saturday
Year III-031

5s-x. Napakatulin talaga ng takbo ng panahon at di akalaing huling hirit na ng buwan ng Enero. Alas-sais pa lamang ng ako'y magising at kasabikan kaagad ang umiiral sa dibdib pagkat ngayon kami tutugo sa National Museum. Mga dakong ikawalo na ng lisanin ang tahanan at tamang kinig lang ng musika habang lulan ng bus. Pagkarating sa National Museum ay di pa ko kaagad pumasok at hinhintay sila Ella. Sumapit na ang halos isang oras na paghihintay subalit di pa sila dumarating at nagpasya ng mag-text. Labis ang panlulumo ko ng ipabatid na di sila matutuloy at bukas na lamang daw, ano ba ito at niyaya ako tapos iiwan lang mag-isa sa ere. Naiintindihan ko naman sila kung kaya di na nagtanim pa ng sama ng loob. Balak ko na sanang umuwi na kaso batid kong masasayang ang pamasahe at di na ibig pang gumastos kaya ipinagpatuloy ko pa rin ang adventure sa National museum ng ako lamang mag-isa.

5s-y. Bawat kagamitang mahahagip ng paningin ay di pinapalagpas ang pagkakataong kunan ng litrato. Habang nililibot ko ang buong gusali'y naalala ko ang sandaling kasama ang mga dating kamag-aral nung panahon na nililibot namin ang loob ng museum at di ko mapigilang malumbay sa tuwing hahampas iyon sa isipan. Kahit nalulumbay pagkat nag-iisa lamang at walang makausap ay pinagtiyagaan ko iyon alang-alang sa proyekto sa Social Science. May mga panahon na naiilang sa tuwing nakakasalamuha ang maraming tao't inggit ang nadarama ko. Iba't ibang mga painting at makasaysayang kagamitan ang namasdan ko't labis na pagkahalina ang pumaram sa nalulumbay na kalooban. Kahit napaglipasan na ng panahon ay di pa rin kumukupas ang halaga ng kagamitan pagkat sinasalamin nito ang dating pamumuhay ng mga Pilipino at nalalaman din natin ang tunay na kasaysayan sa Pilipinas. Sa kagustuhang makauwi kaagad, Hindi ko pinatagal pa ang paglilibot.
  
5s-z. Nang papalabas na'y lalong sumidhi ang galak sa dibdib ng makakita ng iba't ibang dayuhan at ang lambing nilang kausap. Napa-Ingles ako ng wala sa oras habang nakikisuyong magpakunan ng litrato. May balak sanang kumuha ng litrato kasama sila, kaso pinangunahan na ng hiya. Bago umuwi, naisipan ko pang maglibot-libot hanggang sa marating ang lugar ng Intramuros at nahalina ako sa ganda ng mga tanawin. Balak ko pa sanang magtungo sa Fort Santiago, subalit malayo raw ito kung lalakarin, nakakatamad pa man din ang maglakad dahil tirik na ang haring araw kung kaya di na itinuloy ang balak. Naging pahirapan sa akin ang mag-abang ng masasakyan at ganito pala ang mararanasan mo Maynila, isa pa kailangan maging mautak pagkat marami ang mapagsamantala at kalimitang nabibiktima ang mga bagong salta. Sa haba at layo ng binayahe, nakaramdam ako ng pagod at mga dakong ikatlo na ng makarating sa bahay.

5t-a. Kinagabihan, panonood muli ng Telebisyon ang inatupag ko at kaawa-awa ang sinapit ng Menor de edad na babae sa kamay ng mga kalalakihang may maruruming pag-iisip at namuhay siya sa mundong punong-puno ng karahasan. Inis ang umiral sa dibdib dahil sa halip na ang mga humalay sa kanya ang managot ay ang inosenteng guro pa ang naparatangan at nahatulan, hangal din kasi yung biktima at di kaagad umamin sa mga pulis na sabihin ang tunay na pangyayari. Hindi mo talaga makakamit ang hustisya kung parating takot ang pinaiiral at di dapat siya natakot na lumaban. Lumaban nga siya subalit sa maling paraan at pinagpapaslang niya ang mga bumaboy sa kanya sa tulong ng kapatiran nito. Dapat talaga, binubuwag ang mga kaanib ng Fraternity o Sorority dahil sila ang dahilan kung bakit naliligaw ng landas ang mga kabataan. Kakaawan ko na dapat siya, kaso sa edad na labing-lima, kaya na niyang pumatay.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento