Huwebes, Agosto 31, 2017

56. August 2017 Journal (Day 1674-1704)

August 01, 2017
Tuesday
Year V-213

10M-H. Pagpatak pa lamang ng umaga ay maanghang na pananalita kaagad mula sa bibig ni ina ang sumalubong sa aking paggising dahil sa nakalimutang patayin ang bentilador sa kwarto ng ate. Nakakainis dahil nagiging malilimutin na subalit pasalamat pa rin ng lagay sapagkat kahit magdamag na bukas ay hindi naman ito sumabog, kahit nag-iinit na. Walang puknat sa pagkuda si Mama at sa dalas na ginagawa nito kahit maliit na bagay lamang, nasanay na ko. Nanahimik na lamang ako at hindi sinagot-sagot pagkat batid ng isip na pabaya ako. Ang kinakainis ko lang pagkat masyado niyang pinapalaki ang mga bagay-bagay at sa ipinapakita nito, parang napapraning na. Hindi tuloy naging banayad ang umaga dahil nabungangaan ni ina at medyo natagalan bago ito tumigil. Dahil sa kapabayaan, maaaring mauwi sa kapahamakan, sisiguraduhin kong hindi na ito mauulit pa. Dala na walang magawa, pamamalantsa ang inatupag ko.

10M-I. Dakong Alas-dyis nang umalis ako sa bahay. Habang papatungo ng School ay sumipa bigla ang pagkahabag sa dibdib nang makitang nadapa ang bata't halos hindi makatayo dahil sa tinamo nitong sugat. Tutulungan ko dapat ito, kaso may nauna nang nagmalasakit sa kanya't may kasama itong nanay pero kinalaunan ay nakita ko na lamang siya na umiiyak at hindi na nito kasama ang nanay, marahil ay iniwan ito. Bukod sa habag ay binagabag na rin ng konsensiya nang hindi pansinin para tulungan at kitang-kitang iniinda nito ang pananakit ng sugat. Mukhang wala nang nagmamalasakit pa sa bata dahil walang pakialam ang dumadaan kaya naisipang bilhan ng band-aid at lapitan ito pero wala na siya nang balikan.

10M-J. Nanghihinayang ako dahil pinangunahan ng hiya para tulungan siya, pinakawalan pa ang pagkakataon para ipakita ang kabutihang loob sa kapwa. Dahil naipit sa trapik, dakong Alas-dose na nakatungtong sa paaralan. Saktong namataan muli ang aking mga kaibigan kaya may kasabayan muli sa pagkain, hindi lamang iyan pagkat nilibre pa ko kaya nag-uumapaw ang tuwa sa loob. Isang oras ang makalipas, pumasok na kami ng silid. Sa oras ng Clinical Psychology, nagkaroon pa rin ng Class reporting. Maya't maya kung magtanong si Sir Juangco at kakikitaang uugod-ugod na dulot na nagkakaedad na'y malakas pa rin ang boses nito at klaro at may sense of humor ang pagtuturo kaya buhay na buhay ang klase.

10M-K. Bawat pahirit na jokes na bitawan ni Sir ay bentang-benta sa amin at pampaalis ng antok. Kahit masaya ang klase sa Clinical Psychology ay hindi pa rin makomportable dahil kamag-aral ko ang taong kinasusuklaman at panay papansin at bida-bida pa sa klase! Kahit na naiirita, hinayaan na lamang ito basta huwag niya ulit ako kakantihin dahil magkakatikiman kami! Matapos ang klase ay Vacant time ko nanaman ng tatlong oras. Habang bakante ang oras, iginugol muna ang oras sa pagkukumpyuter. Lumalaki na ang renta sa Computer shop kaya nakaisang oras lamang ako't mukhang ikababato na ang nalalabing oras bago magsimula ang susunod na klase. Mabuti na lamang, nandoon si Jed (Fineza) at nilapitan ako't dahil kapwa na walang klase, pakikipagtsikahan ang inatupag sa isa't isa. Medyo napasarap ang aming kwentuhan kaya hindi namamalayan ang pagpatak ng Alas-sais.

10M-L. Sa oras ng Psychological Research, inasikaso lamang namin ang Thesis. Hirap ang isipang makapag-concentrate dahil masyadong magulo't maingay sa loob ng silid at si Sir Jigo pa mismo ang pasimuno at kung kani-kanino lumalapit para makipagharutan. Medyo tinatamad na ng lagay kaya nanood na lamang ng Video at kung kailan napasarap na, hindi napansing nagsisialisan na ang mga kamag-aral. Kahit dis-oras na ng gabi at bilang pakikihalubilo ay sumama ako kina Myrrh sa paglalakad hanggang SM. Ang resulta ay inabot na ng Alas-nuebe sa pag-uwi. Abot-langit ang gutom sa sikmura kaya diretso lamon ako. Hindi pa dinadapuan ng antok kaya nagbabasa muli ako't tamang online sa Social Media. Dakong Alas-onse na napagpasyahang matulog.             


August 02, 2017
Wednesday

Year V-214

10M-M. Ang masarap na pagtulog ko, biglang nasira nang magulantang ang dibdib dahil sa pagdagundong ng malakas na kulog. Umaga na pala't muling binabayo ng malakas na ulan ang Kamaynilaan. Dala ng nararanasang takot dulot ng sunod-sunod na pagkulog-kidlat, talukbong muli kahit kakagising lamang. Kaagad naman humupa ang malakas na pag-ulan at saka bumangon. Pagkaalmusal, diretso na ako sa pagrerepaso. Anong hirap ang mag-aral lalo na't hindi pumapasok sa isipan ang binabasa't sumasakit lamang ang ulo subalit hindi umayaw at nagpatuloy sa pagbabasa kahit nahihirapan sa pag-intindi. Nahumaling ako sa pagbabasa kaya hindi namamalayan ang pagpatak ng Alas-dyis. Gawa na wala namang gagawin sa bahay kundi magpalaki lamang ng Paa sa maghapon at para iwas pagkabagot, kahit walang pasok ng ganitong araw ay tumungo pa rin ng School. Bandang tanghali na nakatungtong sa unibersidad at kaagad na nagtungo ng library. Balak ko na sanang gumawa ng lesson plan, kaso napurnda dulot na napakabagal ng internet at nahihirapan sa paghahanap ng template, sarap batukan o sipain ang Computer.

10M-N. Mukhang wala namang nangyayari kundi maghintay pagkat panay ang loading kaya umalis na lamang, anong klaseng Internet connection ang mayroon sa School at tila hindi naaksyunan ng Technician. Habang nasa library ay walang ginawa kundi magbasa. Nahihirapan akong makapag-concentrate pagkat parang bubuyog kung mag-usap ang mga kasamahang estudyante at kahit mahina lamang kung sabay-sabay, nakakalikha pa rin ng ingay. Saka lamang namayani ang katahimikan nang magsialisan ang mga Senior High School at nakapagrepaso ng maayos. Makalipas ang halos dalawang oras na pagbabasa, umiral na ang antok sa mga Mata, umidlip muna pansamantala. Dahil medyo nasarapan sa pag-idlip, Alas-tres na pala nang magising. Balak ko sanang ipagpatuloy ang pagsusunog-kilay, kaso nakaramdam naman ng pagkalam ng Sikmura kaya kumain muna ako.

10M-O. Pagkabalik ng Library, saktong namataan sina Nadia at Grace at dahil nanabik ako sa kanila, sa halip na mag-aral ay nakipagkwentuhan na lamang. Dami ko muling tawa at sumaya ang bawat sandali habang nakikipagpalitan ng kuro-kuro sa kanila at ilang sandali pa nang dumating na rin si Nikki. Nagtungo kami sa Canteen at nakakatuwang mga kaibigan dahil nilibre pa nila ako ng pagkain at laking pasalamat. Nakakatuwa silang kasama kaya hinintay ko munang magsimula ang kanilang klase kahit Alas-sais pa. Pagpatak ng Alas-sais ng gabi, nagpaalam na sila sa akin. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi at sa sobrang gutom, napabanat muli ng husto sa pagkain. Pagkatapos ay ipinagpatuloy ko ang pagbabasa. Bandang Alas-onse nang maisipang matulog.        


August 03, 2017
Thursday
Year V-215

10M-P. Muling naging maulan ang umaga kaya palaisipan nanaman kung suspendido muli ang klase subalit hindi naman nagtagal at bahagya pang sumilip ang araw. Bandang Alas-otso nang mapagpasyahang bumangon at mag-almusal. Kaagad na kong naghanda-handa para sa muling pagpasok. Dakong Alas-dyis nang makarating sa unibersidad. Medyo nagugutom na ng lagay kaya kumain muna ako. Ngayong araw ang Exam na naudlot dulot ng masamang panahon noong nakaraang linggo at dahil mamaya pa gaganapin, nagkumpyuter muna ako. Matapos magkumpyuter ay tumungo ako ng library at doon nagrepaso. Ilang sandali pa, nagsimula na ang Prelim examination. Habang walang proctor, sige lamang sa pagrerepaso at nang dumating ay laking gulat pagkat si Sir Juangco. Clinical Psychology ang unang pagsusulit at dahil may naaral, hindi naman gasinong nahirapan subalit hindi kumpiyansang makakakuha ng mataas na marka.

10M-Q. Naiingit lamang ako sapagkat uwian na ng mga kamag-aral maging sina Nikki subalit may isa pang pagsusulit at kailangan pang maghintay. Mabuti na lamang at hindi pa umuwi si Myrrh maging si Nikki kaya hindi naman naging kabagot-bagot ang paghihintay at may kakwentuhan. Walang ginawa sa buong oras kundi magkwentuhan at tawanan magkakasama habang kumakain at nakatambay sa isang canteen. Pagpatak ng Alas-kwatro, nagpaalam na sila sa akin at pumasok na ng Campus. Ang inakalang mag-isa na lamang ay nagkakamali pagkat hindi pa umuuwi si Eloisa at non-stop muli sa palitan ng kuro-kuro. Habang tutok ang mata sa pakikipagkwentuhan kay Eloisa ay nagitla ako nang tawagin ni Sir Jigo at natuwa ako nang gawin niya sa akin na hirap unawain ng isip.

10M-R. Bukod sa tinawag ay lumapit pa ito sa amin at nakipagbiruan kaya ang aking pakiramdam, parang abot-langit na ang ligaya. Tama si Eloisa, marahil ay hindi pa nakaka-get-over ang puso kay Sir Jigo kahit sabihin ng isip na si Jed (Cajolo) na ang nagpapatibok at naguguluhan na sa nararamdaman. Hanggang kailan magiging ganito na masaya at nakakakilig pero parang gusto ko nang matapos pagkat kumplikado. Ikakasal na si Sir Jigo samantalang si Jed, mangingibang-bansa naman kapag nakapagtapos at posible pa maging sila ni Jona Vee. Sa ngayon ay hindi ito ang tamang panahon para ma-stress sa bagay na ikakabigo ng husto pagkat masaya akong maranasan ang ganito.

10M-S. Bago pa man sumapit ang Alas-singko, nagpaalam na sa akin si Eloisa. Kaagad na kong pumasok ng silid subalit wala pang proctor. Balak ko sanang mag-aral habang may nalalabi pang oras subalit tinatamad na gawa na hindi naman pumapasok sa utak ang inaaral. Ilang sandali pa nang magkaroon kami ng Proctor at Physio Psychology ang pagsusulit. Anong hirap na nakakabigay ng sakit sa ulo kaya hindi na nagawa pang seryosohin at minani-mani na lamang hanggang sa matapos. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi at bago matulog, pagbabasa muli ang inatupag ko. Medyo bagsak na ang katawan sa maghapong subsob sa mga gawain kaya daglian nang natulog.      



August 04, 2017
Friday
Year V-216

10M-T. Masaya ako dahil walang exam ngayong araw. Bandang Alas-siete nang magising at bumangon. Nang makapag-agahan, pagbabasa muli ang inatupag ko. Ilang sandali pa, sinimulan ko na ang paggawa ng Lesson plan. Sa una ay hindi makapagsimula pagkat hindi basta-basta ang paggawa, lalo na't walang ibinigay na guide subalit may nasimulan naman kinalaunan. Namayani ang gaan sa kalooban nang matapos ko din ang lesson plan at hindi ito naging biro. Naging maaliwalas ang panahon kaya magandang pagkakataon para maglaba at iyon ang sunod na inatupag. Maya-maya pa, oras na para mananghalian at pagsapit ng tanghali, muling umiral ang antok sa mga mata kaya nag-siyesta muna ako. Bandang Alas-tres na nagising at pagbabasa kaagad ang iginugol sa maghapon.

10M-U. Kinagabihan, anong alinsangan muli ng panahon kaya sa labas ko na naisipang magbasa. Ang kaninang ako na pokus sa pagbabasa, parang bulang naglaho dahil sa dalawang kapiderasyon ko na nag-i-Ingles na kausap ni Mama at matawa-tawa ako habang pinakikinggan sila sapagkat nagmumukhang susyal. Kahit hirap na hirap at kakikitaang nosebleed na habang nagsasalita ng English ay sige pa rin at ayaw paawat. Natutuwa ako sa mga taong sinusubukang mag-English, hindi dahil sa mali-mali ang paggamit ng salita kundi may Sense of humor dahil sa accent at dinadaan na lang sa kaartehan. Saka lamang nanumbalik ang konsentrasyon sa pagbabasa nang umalis ang dalawang baklang kung pagmamasdan ay kalalantod ng kasuotan maging ang kalis na kausap ni Mama. Ilang sandali pa at nang tamaan ng antok, saka lamang natulog.     


August 05, 2017
Saturday
Year V-217

10M-V. Bandang Alas-kwatro na ko nagising. Masyado pang maaga kaya umidlip muna ako subalit sa muling paggising, ganap nang sumapit ang Alas-otso na siyang ikinagulat pagkat kay bilis ng oras. Mga bandang hapon pa ang klase kaya pagbabasa muli ang inatupag ko. Sa sobrang tutok ng Mata sa pagbabasa ng kwento, hindi namamalayan ang pagpatak ng Alas-dyis. Ilang sandali pa ay naghanda-handa na ko para sa pagpasok at dala na napakatrapik sa lansangan bunsod ng itinatayong MRT 7, bandang Alas-dose na nakarating ng school. Habang hindi pa nagsisimula ang klase at bilang libangan at hindi nakatingin sa kawalan, nakipagkwentuhan muna kay Pamela. Dahil may klase pa, pagpatak ng Ala-una ay magpaalam na sa kanya. Ganap nang sumapit ang oras para sa Current Issue subalit hindi pa rin dumarating si Ma'am Trisha, palaisipan na tuloy kung papasok pa ba ito? Nang tatlumpung minuto na ang nakakaraan, napagpasyahan na namin ni Nikki na puntahan ito sa Faculty room. Sinabi naman sa amin na may pinuntahan ito subalit pagkatungo sa RDIC kung saan naglalagi si Ma'am, doon nalaman na nasa Clinic na ito at masama raw ang pakiramdam. Kaagad akong nagtungo ng Clinic para kumpirmahin kay Ma'am kung matutuloy pa ba ang klase subalit ayaw kong isturbuhin ang pagpapahinga nito.

10M-W. Pagkabalik ng silid ay kaagad kong inanunsyo sa buong Dash 1 ang kalagayan ni Ma'am Trisha at daglian nang nagsulat sa attendance. Bahagya lamang ako nainis kina Jed pagkat alam na pala nilang may sakit si Ma'am Trisha, hindi man lamang nila sinabi at mas pinili pang makipagtsikahan kay Sir Jigo sa kabilang silid, nagmistulan tuloy tanga ang karamihan sa amin sa kakahintay pero mabuti na lamang, naging masinop ako. Matapos magsulat sa attendance, lumabas na kami. Mahaba pa ang oras bago ang susunod na klase kaya kasama sina Nikki at Sarlyn ay kumain muna kami. Sa katakawang kumain at napasarap pa ang kwentuhan, Alas-tres na pala kaya kailangan na namin ni Nikki magpaalam kay Sarlyn.

10M-X.  Pagkapasok, saktong wala pa si Ma'am Risil subalit ilang sandali pa nang dumating ito. Sa halip na magturo, nagbigay ito ng activity sa amin at iyon ay gagawa ng content na may kaugnayan sa lesson plan. Nang makapag-anunsyo si Ma'am Risil, umalis na ito at pinahintulutan niya kaming magtungo sa library. Sa halip na magtungo roon ay mas pinili naming manatili sa silid. Isang oras lamang ang ibinigay sa amin at mukhang marami-rami ito kaya nakaka-pressure, ang ilan sa kamag-aral ko, hindi na maiwasang magreklamo't nakakatamad gumawa pagkat nawawala sa mood. Nang wala nang maisip na isusulat, kahit kaunti pa lamang ang nagagawa ay umayaw na ko. Kaming dalawa ni Nikki nagpasa ng gawang activity naming lahat kay Ma'am. Dahil may sakit si Ma'am Trisha, naisipang huwag nang pumasok sa klase ng Physio Psychology.

10M-Y. Kasama muli sina Sarlyn at Nikki, tumungo kami ng SM Fairview, kumain at namasyal-masyal. Laking tuwa nang ilibre kami ni Sarlyn at pagsapit ng Alas-sais, saka lamang nagkanya-kanya sa pag-uwi. Wala pang balak umuwi kaya kahit dis-oras na ng gabi, tumungo pa ng Computer shop. Bandang Alas-nuebe na nakatungtong sa bahay at bago sa paningin ang hapunan pagkat Pesto Pasta na niluto ng ate at dahil naiintriga sa lasa nito ay kaagad na nilantakan. Sa sarap, naparami ako ng kain at nakakalasap talaga ng pagkaing pangmayaman na minsanan lamang sa tuwing umuuwi ang ate galing Condo. Sa pagod, matapos kumain ay daglian nang natulog.               


August 06, 2017
Sunday

Year V-218

10M-Z. Linggo nanaman pala at dahil walang pasok, tinanghali na sa paggising. Matapos mag-almusal at dahil balak ko na kumuha ng board exam sa susunod na taon at sa kagustuhang makapasa para makamtam ang kinabukasan kay ganda, sinimulan ko na ang pagrerepaso. Theories of Personality ang unang asignaturang nirepaso at sa dami ng mga Psychologist gaya nina Sigmund Freud at iba pa, mukhang matatagalan. Kahit may karamihan at sasabog ang utak sa dami ng impormasyong kailangang itatak, hindi naman napanghinaan ng loob. Sa sobrang tutok ko sa pagsusunog-kilay, dahil determinadong makapasa, hindi namamalayan ang pagpatak ng tanghali at kahit nangangayayat na sa gutom, nagpatuloy pa rin sa pagsusunog-kilay at pag-unawa sa binabasa kahit nahihirapan.

10N-A.  Habang aligaga sa pagrerepaso ay bigla akong inutusan ng ate. Hindi ko lamang naibigan ang paraan ng kanyang pag-utos pagkat parang alila niya ko. Naiirita man ay sinunod ko pa rin subalit umigting nang hindi nito maibigan ang aking binili at naninigaw pa't minura-mura. Hindi ko na gusto ang tabas ng dila niya kaya dumating sa puntong ibig nang ipakita ang bangis sa kanya subalit pasalamat na lamang ito dahil nagagawa nang magtimpi. Oo at may narating na nga ang kapatid ko, kaso habang may nararating ay nagiging mapagmataas naman ito't gumagaspang ang ugali. Tila nahihirapan na kong hagilapin siya at mas maigi pa dati nung panahong kapwa pa nag-aaral pagkat nagkakasundo kami at nagkikilitian pa, bukod pa doon at kapag pinapagalitan ni Mama, madalas ay ipinagtatanggol namin ang isa't isa pero simula nang makapagtapos at magkaroon ng trabaho, kapansin-pansing nagbago na ito at akala na kung sino ako pagsalitaan.

10N-B.  Minsan at kapag umuuwi ito galing Condo, hassle na sa akin ang makisama sa kanya at mas komportable pa kung wala ito. Hindi ko rin naiibigan ang pagiging pakilamera nito at ate ko lamang siya, pero dinaig pa si Mama. Maigi pa si Ate Anne pagkat kahit hikahos sa buhay, mapag-aruga pa rin itong ate sa mga nakakabatang kapatid kahit na hindi ito pinapansin. Nang malamnan ang sikmurang kumakalam, ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso. Medyo lugmok na ang mata sa antok kaya nagpahinga muna ako. Kinagabihan ay pagsusunog-kilay pa rin ang inatupag ko.

10N-C.  Maya-maya at para ma-relax kahit paano, naisipang libangin ang sarili sa panonood ng Telebisyon. Gulat at hindi makapaniwala sa natunghayang programa sa Kapuso mo, Jessica Soho pagkat ang inakalang may hatid na negatibong pangyayari nang napaginipan ng isang babae ang nakakadiri, sa kabaligtaran ay iyon pa ang naging senyales para yumaman siya at nagkatotoo nga. Madalas ay dahil sa palagi nating naiisip ang bagay kaya iyon napapaginipan subalit bawat panaginip, may kalakip na kuhulugan sa totoong buhay at panaginip din ang nagdidikta sa magiging kapalaran mo sa hinaharap.     

August 07, 2017
Monday
Year V-219

10N-D.  Kahit sumapit muli ang araw ng Lunes kung wala naman pasok, hindi ako maagang nagising at bumangon. Pagkaalmusal, pagsusunog-kilay muli ang inatupag ko't sana magkabunga itong aking pagkukumahog at huwag mauwi sa wala subalit ayos lamang kung hindi papalaring makapasa pagkat marami pang pagkakataon. Makalipas ang halos tatlong oras na pagrerepaso, itinigil muna para magplantsa ng uniporme. Nang makapagplantsa at sa sipag kong ito, paglalaba ang sunod na inatupag. Sa dami ng ginawa magmula pa umaga, nakaramdam na ng gutom. Matapos mananghalian ay ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso. Balak sanang gugulin ang sarili sa pag-aaral sa maghapon, kaso sa hindi inaasahan ay bigla akong nanamlay.

10N-E.  Marahil ay dala lamang ng pagod kaya ipinagpahinga muna ang sarili subalit pagkagising, nanghihina pa rin. Mukhang magkakasakit muli ako nito na huwag naman maganap. Pakiramdam ko ng oras na iyon, parang may pinangangapitan at gusto parating nakahiga. Kahit nanamlay, nakaya pa ring gampanan ang gawaing bahay gaya ng pagsasaing, pagluluto at paghuhugas ng plato. Hindi ko malaman sa sarili kung bakit bigla na lamang nanlalata. Lalo pang nanghina pagsapit ng gabi at sa takot na mauwi na ito sa pagkakasakit, hindi ko na binalak pang magpuyat at kaagad na nahiga. Magpapahinga na sana ako subalit hindi magawa pagkat nagpapatugtog si Papa at ang ingay. Saka lamang nakapagpahinga ng matiwasay nang patayin ni Papa ang tugtog.


August 08, 2017
Tuesday
Year V-220

10N-F. Buong magdamag na akong natulog at tinanghali na ng gising subalit nanatili pa ring matamlay ang pakiramdam at pakiwaring magkakasakit. Kahit nilubayan ng lakas, bumangon pa rin ako para mag-almusal. Matapos mag-almusal at dala ng nararamdaman, kaagad akong nahiga't nagpahinga. Maya-maya, itong si Mama ay muling nagbunganga. Iyan ang hirap sa kanya, masyadong mareklamo't ini-stress ang sarili sa mga gawain. Nagawa pa nitong magdabog at parang ang laki ng problema niya. Nanghihina ako kaya mas pinili na lamang magpahinga kaysa komprontahin ito. Ganoon talaga ang tumatanda lalo na't babae, madalas nang nagiging bugnutin. Nakatulog naman ako ng maaayos at eksaktong magtatanghali nang magising. Nanatili pa ring hindi maganda ang pakiramdam kaya napagpasyahang huwag ng pumasok at gugulin na lamang ang sarili sa pagpapahinga. Kahit hinang-hina'y kumain pa rin ng pananghalian para lumakas. Dahil sa maghapon kong pagpapahinga, unti-unti namang naibalik ang aking sigla subalit hindi pa rin gaanong nagkikilos-kilos. Kinagabihan at dahil maaayos-ayos na ang pakiramdam, naisipan ko muling magrepaso. Sa sipag kong ito, balak sanang magdamagan ito subalit bawal munang magpuyat at baka mabinat.   

August 09, 2017

Wednesday
Year V-221

10N-G. Anong sarap muli sa pagtulog at si Mama na mismo ang gumising sa akin. Umaga na pala't tirik na rin ang haring araw kaya daglian nang bumangon. Hindi gaya ng kahapon ay namamayani ang sigla sa katawang lupa ko't para bang ang lakas-lakas. Dahil sa nararanasang kasiglahan, naisipan kong gampanan ang gawaing bahay. Nang makapaglinis at punas, saka pa lamang sinimulan ang pagrerepaso. Nang kalagitnaan ng aking pagsusunog-kilay ay bigla na lamang tumakbo ang aking kapatid na si Kuya Al. Inakalang babalik ito kaya panatag ang loob namin at hindi na sinundan pa pero nang malaman sa kapit-bahay na nakarating na ito sa ibang baryo, biglang nagbago ang nasa loob at nagpanik. Sa labis na pag-aalala, kahit abala sa pagrerepaso ay dali-dali itong sinundan at hinanap.

10N-H. Magkandapagod ako sa kakasuyod sa kanya. Laking pasalamat pagkat pagkauwi ay ligtas naman itong nakabalik subalit sa halip na tuwa ay naimbyerna ako pagkat sadyang pasaway at pinagod niya ko. Matapos niyon ay balik ako sa pagrerepaso hanggang sa magtanghali. Kinahapunan at kahit labag man sa kalooban ang magpagupit, sa kagustuhang magpahaba't maging gaya ng mga binibini sa kapaligiran kung naaasiwa na ang mudra sa pagmumukha ay nagtungo ng Barber Shop para magpugupit. Isa pa't may pagkamanyakis din si Mang Usman kapag nagpapagupit sa kanya kaya naghanap ako ng iba. Saktong may nahanao naman ako't pagkatapos ay may libreng masahe pa si Manong subalit halos isumpa ang sarili dahil ang kinalabasan, nagmukhang Ex-convict sa hitsura o takas sa kulungan.

10N-I. Gayunpaman ay dapat ko nang tanggapin at mabilis naman humaba ang aking buhok. Pinapangako na ito na ang huling beses na ako ay magpapagupit at panahon na para magpaganda. Pagkauwi ay muntikan nang mag-away ni Mama dahil pinilit sa pagpapagupit at ano naman sa kanya kung lalaki ako, kung babae naman ang nasa loob. Sa ginagawa nito ay tila hindi makita kung nirerespeto ba kung ano ako. Tanggap nga nilang isa akong Sirena subalit pakiwaring hindi buo't nasasakal pa rin ako. Kinagabihan, balik muli ako sa pagsusunog-kilay, sa kagustuhang makapasa't may marating. Bandang Alas-onse nang mapagpasyahang matulog.  


August 10, 2017

Thursday

Year V-222

10N-J. Tinanghali na ng gising at pagkaalmusal, kaagad nang naghanda para sa pagtungo sa paaralan. Pagkatungtong ay kaagad na dumako sa library at nagrepaso. Hirap magsunog-kilay ng maayos kung ganito kaingay sa loob ng library dahil sa mga Senior high na parang bubuyog kung mag-usap. Nagpatunog na nga ng bell ang librarian, hudyat ng pagsasaway nito subalit tuloy pa rin sa bulungan at hindi nasasabihan. Palagay ko, karamihan sa mga Senior high sa amin, mga suwail at walang modo! Mas nasasabihan pa ang mga College kung ikukumpara sa kanila kahit paano. Sa sobrang abala sa pag-aaral, hindi namalayan ang pagsapit ng Alas-dose. Nang oras ding iyon ay umalis na ko't kumain. Ilang sandali pa'y namataan ko sina Nikki at Sarlyn. Sa oras ng Current Issue, hindi nanaman pumasok si Ma'am Trisha kaya ang buong silid, balot sa kaingayan at may kanya-kanyang pinagkakaabalahan. Walang magawa kaya umidlip ako't maya't mayang palitan ng kuro-kuro sa mga kamag-aral.

10N-K. Pagpatak ng Alas-tres, lumabas na kami. Sa oras ng Education 2, isa-isa kaming tinawag ni Ma'am Risil para kuhain ang grade. Nilagyan lamang ni Ma'am ng tricks pagkat pinaggupit-gupit nito ang listahan ng aming pangalan at pinaghalo-halo sa table. Naging challenging sa amin ang pagkuha ng grade pagkat kailangan mo mahanap at makita ang pangalan sa loob lamang ng sampung segundo. Yung iba, hindi mapigilang ma-pressure at may ilan na bigong makuha. Nang ako na'y tinalasan ang paningin at nang orasan na ni Ma'am, isang tinginan lang ay kaagad na nakita ang aking pangalan. Laking tuwa pagkat mataas ang nakuha ko ngayon prelim at sana ay magtuloy-tuloy ito.

10N-L. Nang matawag ang lahat sa amin, binigyan ni Ma'am Risil ang lahat ng hindi nakakuha ng pagkakataon para kuhain ang grade. Pagkatapos ay class reporting na. Bago umalis ay tinawag ang mga leader kabilang ako para ibigay ni Ma'am ang topic. Balak na sanang umuwi pagkat iniisip na baka hindi pumasok si Ma'am Trisha maging sa klase ng Physio Psychology, kaso hindi ako nakasisiguro. Habang wala pa si Ma'am, tamang kwentuhan lang kina Eloisa. Kalagitnaan ng aming pag-uusap nang biglang dumating si Kalvin. Medyo naiirita pa rin sa kanya kaya hindi ito magawang kibuin at masyadong nagpapansin sa kung kani-kaninong lalaki lalo nang dumating si Sir Jigo.

10N-M. Pakiramdam ko at sa ipinapakita niya, may pagtingin din ito kay Sir subalit ayos lang naman, ang kinaiinis ko ay masyado niyang bini-big deal ang mga bagay na pagkahumaling ko kay Sir. Ilang sandali pa nang pumasok na si Eloisa sa silid nito. Isang oras na ang nakakaraan, wala pa rin si Ma'am Trisha. Napagpasyahan na naming umalis. Mukhang wala akong napala sa araw na ito kundi makipagkwentuhan sa mga kaibigan pero ayos lamang pagkat masaya. Bago umuwi, tumungo muna ng Computer shop. Bandang Alas-otso na ko nakarating ng bahay at kaagad na lumamon. Nagrepaso muli ako't nang tamaan ng antok, saka lamang napagpasyahang matulog.


August 11, 2017

Friday
Year V-223

10N-N. Sa katakawang matulog, tinanghali muli sa paggising. Inuna ko muna ang gawaing bahay bago ang magrepaso. Kahit mukhang sasabog na ang bungo sa dami ng impormasyong kailangang iimbak, may maisagot lamang sa darating na board exam ay hindi ako umayaw dahil determinadong makapasa. Pagpatak ng Alas-onse, naghanda-handa na ko para sa pagpasok. Naipit ako sa napakabigat na trapiko kaya malapit nang sumapit ang Ala-una nang makarating ang yapak sa School. Saktong wala pa ang aking mga kamag-aral subalit naroroon na si Nikki, kwentuhan ang inatupag naming dalawang magkaibigan. Ilang sandali pa nang magsidatingan ang mga kamag-aral. Habang hinihintay magsimula ang klase ng Clinical Psychology ay bigla na lamang nakarinig ng ingay mula sa labas at pinapalabas kaming lahat. Iyon pala'y isinasagawa na ang Earthquake Drill at batalyunang tumungo sa Quadrangle.

10N-O. Sa dami naming mga mag-aaral ng unibersidad, isama pa ang mga Senior high, hindi maiwasan ang gitgitan, balyahan at minsan ay tulakan. Parang bumulwak na tubig kung magsilabasan ang mga bulto-bultong estudyante sa gate. Mukhang delikado't buntis pa ang kasama naming si Ate Charm at dala pa nito ang maliit na anak kaya hinintay munang kumaunti bago kami kumilos. Nang masigurong nakakakilos na ng maayos, saka lamang kami lumakad. Kung kailan malapit na halos sa Athletic Center, saka naman kami pinabalik at ano ba yan. Naghanap lang kami ng pagod sa mga pinaggagawa't ibig bangasan ang mga nag-organize. Manlupaypay ang buong katawan sa pagod pagkabalik ng silid at anong klaseng Earthquake drill ang nangyari, hindi man lamang kami naabisuhan para makapaghanda at nakakabigla.

10N-P. Saktong halos magkaroon na ng Stampede habang isinagawa ang Earthquake drill ay nagkaroon pala ng Lindol sa ibang lugar dito sa Metro Manila at sa Batangas naganap ang episentro. Swerteng hindi naman naramdaman kaya laking pasalamat sa maykapal. Sa halip na magkaroon ng Class reporting at dahil kapos na sa oras, nag-anunsyo na lamang sa amin si Sir Juangco patungkol sa magaganap na Accreditation sa susunod na linggo. Sa oras naman ng kanilang Social Psychology, nagturo lamang si Ma'am Joyce ng Persuation at nakakatuwa ang lesson. Maya't maya rin ang paglalahad ng kwento't opinyon ng mga kamag-aral kaya nanghihinayang muli ako't nagsisisi subalit nandoon na iyon. Ilang sandali pa'y dismissal time na't habang vacant time, inasikaso ko ang aming thesis at nagrepaso na rin para sa paghandaan ang pagkuha ng board exam. Makalipas ang halos dalawang oras, pumasok na ng silid.

10N-Q.  Sa oras ng Psychological Research, kaming dalawa na lamang ni Myrrh ang naiwan at pagkabigay sa kanya ng karagdagang questionaire, umalis na ito. Dahil hindi naman nagtuturo si Sir Jigo kundi nakikipaglampungan lamang sa iba kong kamag-aral at nababagot, pakikipagkwentuhan kina Eloisa at David (Zaldua) ang inatupag. Saya nilang kakwentuha lalo na si David na kahit kamakailan ko lang nakilala, ramdam na matalino ito at mahusay pomorma sa mga Chicks. Balak na sana naming umalis pagkat wala naman ginagawa, kaso walang lakas na loob na magpaalam kay Sir. Ilang sandali nang payagan kaming lahat ni Sir Jigo na umalis at sa halip na umuwi, nag-aya pa sina Eloisa na magtungo ng McDonalds. Pulubi na ko nang panahong iyon subalit sa bait nila, nilibre nila ako't laking pasalamat. Dakong Alas-nuebe nang makarating sa bahay at sa pagod, daglian nang natulog.                  


August 12, 2017

Saturday
Year V-224

10N-R. Sa sarap ng tulog ko dulot ng panaginip, Alas-nuebe na pala nang magising. Hindi ko maintindihan kung bakit patong-patong ang napaginipan ko't may kutob na may ibig sabihin iyon. Kung anuman iyon, nawa'y maganda. Hinintay ko pang dumating si Papa bago ako pumasok. Bandang Alas-dose na nakatungtong ang yapak sa paaralan at dala na walang magawa, tumungo ako ng library para hanapin sina Sarlyn. Hindi ko sila namataan subalit nandoon naman si Mara. Hindi pa naman nagsisimula ang aming klase kaya nakipagtsikahan muna sa kanya. Napasarap ang aming usapan kaya hindi namamalayang Alas-dos na't kailangan nang magtungo sa silid. Dahan-dahan akong pumasok, sa pag-aakalang nandoon na si Ma'am Trisha subalit mga kamag-aral ko lamang ang nadatnan. Bumalik ako ng library at ipinagpatuloy ang pakikipagkwentuhan kay Mara. Lumipas pa ang mga sandali hanggang sa matapos ang oras ng Current Issue, wala pa rin si Ma'am at maya-maya'y umalis na kami. Sa oras ng Education 2, nagpalaro lamang sa amin sina Abella. Hindi naging madali sa amin ang kanilang palaro pagkat iyon ay Pass the Picture sa halip na Pass the Message at iguguhit ng member na nasa likuran sa bawat grupo kung anong bagay ang ipapakita sa kanila sa loob ng sampung segundo.

10N-S.  Pagkatapos ay ipapakita nito sa harapan ang iginuhit at iyon ay pasa-pasa hanggang sa makarating sa unahan at ma-identify kung ano ang ipinapaguhit. Dahil may time limit at di pa bihasa ang ilan sa amin kabilang ako sa pagguhit kaya challenging at nakaka-tense. Sa una, seryoso lang at paspasan ang pagguhit at pasa subalit nauwi sa tawanan kinalaunan at ang lakas ng impact, yung tipong hindi ka maka-get over. Sa huli, ang kalabang grupo ang nagwagi at masaklap pa dahil hindi man lang nakapuntos. May nalalabi pang oras kaya nagkaroon ng Class reporting. Maaga kaming pinalabas ni Ma'am Risil at habang Vacant time, kasama ang dalawa kong matalik na kaibigan ay kumain muna.

10N-T.   Pagkatapos ay pumasok na ko ng silid. Maging sa subject na Physio Psychology ay hindi nanaman pumasok si Ma'am Trisha kaya napagpasyahan nang umalis at samahan si Sarlyn sa tutorial nito kay Sir Esguerra. Pagabi na at wala nang kasunod pang klase, balak ko na sanang umuwi kaso itong si Sarlyn, gusto pa makipagtsikahan sa akin at naging masiyasat ito sa aking love life. Nairita lamang ng bahagya sa kanya pagkat ang daming tanong at kung ano-ano ang nai-imagine subalit sa pangkalahatan ay naging masaya ang pag-uusap namin. Bandang Alas-otso na nakarating ng bahay. Balak ko sanang gugulin ang oras sa pagrerepaso hangga't hindi pa malalim ang gabi, kaso mugto na ang mata sa antok at lupaypay na ang buong katawan sa pagod.              


August 13, 2017

Sunday

Year V-225

10N-U.  Tirik na ng husto ang haring araw ako nagising. Araw ng Linggo at dahil walang pasok, matapos mag-almusal ay gawaing bahay kaagad ang inatupag. Pagkatapos ay sinimulan ko na ang pagrerepaso. Medyo naging tutok ako sa pagsusunog-kilay kaya hindi namamalayang tanghaling tapat na at oras na para mananghalian. Balak ko sanang gugulin ang sarili sa maghapon, kaso tinamaan ng antok. Naisipan munang magpahinga. Hindi naman ako makapagpahinga ng maayos pagkat itong sina Mama, nagkakaraoke at halos marindi ako sa lakas ng sound. Hinayaan ko na lamang sila dahil ayaw kong makaabala sa kaligayahan nila. Sige lamang sila sa pagkanta kahit naririndi na't hindi pa maka-relate sa awitin pagkat puro kapanahunan nila ang inaawit. Medyo naingayan na ko't hindi makuha ang maayos na pagtulog kaya umalis muna ng bahay. Sa Computer shop ko naisipang magtungo at nanood ng pelikula. Sa unang bahagi, medyo boring at nakakawalang ganang panoorin ang palabas na Kita-kita pagkat hindi ko maintindihan ang ginagamit na wika dahil Japanese at wala pang subtitle pero nang kalagitnaan, doon dumating na nakakaengganyo na ang mga eksena at sumunod pa.

10N-V.  Maganda at kakaiba ang Kita-kita pagkat kung kailan nabulag si Lea, saka pa dumating ang lalaking nagmahal sa kanya ng tunay, si Tonyo at nakakakilig ang kanilang ibigan subalit nang bumalik ang paningin ni Lea at nahulog na ang loob sa lalaki, saktong naaksidente naman si Tonyo at binawian ng buhay. Iyon pala't lingid sa kaalaman ni Lea na matagal na itong kilala ni Tonyo at minamanmanan nung panahong nakakakita pa siya at sila pa ng ex-boyfriend nito. Hindi kagwapuhan si Tonyo subalit may sense of humor at ubod naman sa ganda si Lea at dahil nagkakagusto, saka lamang ito nagkaroon ng lakas na loob na lapitan ang babae nang panahong nabulag ito't sinuyo-suyo.

10N-W.  Medyo ironic ang naging takbo ng palabas pagkat kung kailan nakakakita si Lea, hindi naman nito nakikita o napapansin si Tonyo subalit nang mawalan ng paningin, saka lamang nito nakilala si Tonyo. Nanghihinayang ako sa love story nilang dalawa't tumatagus sa puso ang saklap at sakit kaya halos mapaiyak na. Kaya pala sa unang araw na pag-ere nito sa sinehan, humakot na ng daan-daang milyong kita at nakatanggap ng maraming parangal dahil kakaiba at maraming manunuod ang napaiyak at ngayon lamang ako nakanuod ng ganung klaseng palabas sa tana ng buhay na unpredictable and unbelievable. Nawindang ako sa pelikula kaya kahit nasa bahay na, di pa rin naka-get over ang isip sa nangyari sa kanila. Kinagabihan, pagrerepaso ang inatupag ko. Hindi pa madalaw ng antok kaya naisipang manuod ng telebisyon. Bandang Alas-onse ko na napagpasyahang matulog.   


August 14, 2017

Monday
Year V-226

10N-S.  Sumapit nanaman pala ang araw ng Lunes. Nasarapan muli sa pagtulog kaya saktong katirikan na ng araw nagising. Matapos mag-agahan, pagrerepaso muli ang inatupag. Kahit nahihirapan sa pagrerepaso gawa na hindi maunawaan ang inaaral, hindi pa rin ako umayaw. Naging abala ako sa pag-aaral, makapasa lamang sa board exam na siyang hangarin kong mangyari. Bandang tanghali nang itigil ko ang pagrerepaso't paglalaba naman ang sunod na pinagkaabalahan. Ilang sandali pa't dala na kanina pa kumakalam ang Sikmura, nananghalian muna ako. Pagpatak ng hapon, sumipa muli ang takot sa dibdib dahil sa Thunderstorm. Ang tatalim ng kidlat at parang granada ang dagundong ng kulog kaya halos pagpawisan na sa sobrang takot. Ang hirap talaga kapag may phobia ka sa bagay, nagiging unusual ang kilos mo oras na nahaharap sa bagay na iyong kinakatukutan at nagmumukhang abnormal sa paningin ng iba. Saka lamang lumuwag ang paghinga nang magwakas ang Thunderstorm. Kinagabihan, balik muli ako sa pagsusunog-kilay. Balak pa sana itong gugulin sa magdamag, kaso namumugto na ang mata sa antok kaya kahit wala pa sa hating-gabi ay natulog na ko.    


August 15, 2017

Tuesday
Year V-227

10N-T.  Panibagong araw muli ang kakaharapin at tinanghali nanaman ng gising. Bandang Alas-onse na ko tumungo ng School at pagkatungtong, kaagad na tumungo ng library para magrepaso. Medyo tahimik kaya nakapag-aral naman ng maayos subalit kinalaunan, maingay na't nahihirapan nang makuha ang konsentrasyon. Sasawayin ko dapat ang aking katabi pagkat sila ang dahilan ng kaingayan kaso mas pinili ko na lamang umalis. Saktong mga kamag-aral ko pa lamang ang nadadatnan pagkapasok ng silid. Habang wala pa si Sir Juangco, sige kami sa kwentuhan subalit natigil nang pumasok ito. Sa oras ng Clinical Psychology, nagkaroon lamang ng Class reporting.

10N-U.  Pagkatapos ng klase at sa halip na maki-sit-in sa sumunod nilang klase, mas pinili kong umalis. Mabuti na lamang, naririyan si Sarlyn kaya hindi ako mababagot sa long vacant time. Kahit alam kong may kalayuan mula sa amin at pamasahe pa'y sinamahan ko ito sa pagtungo sa OLFU-Regalado para manghiram ng libro sa library. Pagkarating sa library doon sa annex ng aming university, malamig at mas maayos pa kung ikukumpara sa main at makakapag-isip at aral ka ng maayos dahil matahimik. Iyon nga lang, masyadong mahigpit at kailangan iwan ang bag. Sa lamig at tahimik, parang gusto kong manatili roon kahit ilan pang oras. Parang ang sarap tuloy doon matulog pagkat walang disturbo.

10N-V.  Pagkahiram ng libro at dahil first time ko lamang makatungtong sa annex, naglibot-libot kami. Di hamak na mas kakaunti ang mga estudyante kaya madalas, nakikita mong panaka-naka lang ang pagdating nila at nakakakilos ng maayos. Sa Student lounge sana namin balak manatili subalit dahil kumukulog-kulog at kidlat muli at yumayanig ang takot sa dibdib, napagpasyahang sa loob na lamang ng gusali para feel safe. Dahil napasarap at saya ang kwentuhan namin ni Sarlyn kaya di nanamalayang Alas-sais na. May klase pa ko kaya may pagmamadaling bumalik sa main. Pagkatungtong, wala pa si Sir Jigo subalit nandoon na ang kagrupo sa thesis. Walang ibang inatupag kundi asikasuhin ang mga questionaire na inilatag namin para sa mga respondent. Ilang sandali nang pumasok si Sir Jigo at laking tuwa namin pagkat maagang pinalabas. Pagkarating ng bahay at nang makapaghapunan, diretso ako sa pagrerepaso. Halos malapit na rin sumapit ang Alas-onse nang mapagpasyahang matulog. 



August 16, 2017

Wednesday

Year V-228

10N-W. Nagniningning na ang liwanag sa labas nang ako ay magising. Walang pasok ngayong araw at dahil wala naman gagawin sa bahay, napagpasyahan kong magtungo sa School at doon isagawa ang pag-aaral. Sa halip na sa main, sa library doon sa OLFU-Regalado ko naisipang magtungo. Ang tahimik talaga roon at malamig pa kaya favorable sa akin ang environment para mag-aral. Madali rin pumapasok sa utak ang inaaral at parang ikaw lang ang tao roon. Sa sobrang tutok ng mata sa pagrerepaso, hindi namamalayan na tatlong oras na akong naroroon at ganap nang sumapit ang Ala-una. Wala pang balak umuwi kaya nagtungo pa ko sa Main at doon na nananghalian. Matapos mananghalian, nagkumpyuter pa ko. Nasarapan ako sa pagkukumpyuter kaya Alas-tres na pala. Sa halip na manatili pa sa School, mas pinili ko na lamang na umuwi. Diretso kaagad sa panonood ng telebisyon pagkarating ng yapak sa bahay. Pagsapit ng gabi at sa sipag kong ito, muli akong nagrepaso. Nang tamaan ng antok, saka lamang napagpasyahang matulog.   


August 17, 2017

Thursday
Year V-229

10N-X. Inabot muli ng pagsikat ng araw sa paggising. Inagahan ko sa pagpasok pagkat aasikasuhin pa namin ang Thesis. Bago magtungo kung saan kami magtatagpo, kumain muna ako. Ilang sandali pa, namataan ko na si Kim na kasama si Janet. Hindi pa ko tapos kumain kaya hindi muna sumama sa kanila. Nang matapos sa paglamon, tumungo na ko ng library. Hindi kami makapagsimula pagkat hindi pa dumarating si Myrrh at nasa kanya lahat ng nilalaman ng thesis. Para hindi mabato sa kakahintay sa kanya, pakikipagkwentuhan ang inatupag. Lalo pang sumaya ang samahan nang dumating sina Nikki at Sarlyn subalit wala pa rin si Myrrh at mukhang hindi na matutuloy ang napag-usapan.  Pagsapit ng Ala-una at dahil may klase pa kaming tatlo, nagpaalam na kami sa kanila. Sa oras ng Current Issue, hindi nanaman pumasok si Ma'am Trisha kaya kaming mga estudyante nito, may kanya-kanyang pinagkakaabalahan. Walang magawa kaya nag-soundtrip na lamang kami ni Nikki.

10N-Y. Ilang sandali pa ay parang sumikip ang nasa dibdib nang biglang pumasok si Kalvin. Nanatiling may yamot pa sa loob matapos ang mga ginawa nito sa akin subalit nang ako'y kanyang batiin, nakitungo pa rin ng maayos at nakuha pang makipagbiruan. Gulat ko lamang nang bigla itong tawagin ni Jed at nilapitan naman Kalvin na may pagkasabik dahil makati. Habang kabiruan nito si Jed ay panay tapik sa kanya't nakuha pang akbayan ito ng paulit-ulit, hindi na nahiya't napakalandi niya! Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman nang panahong pinagmamasdan silang dalawa na naghaharutan. Ito namang sina Nikki at Sarlyn, panay kantiyaw na nagseselos ako.

10N-Z. May gusto lang ako kay Jed at hindi mahal subalit marahil ay nagseselos kaya ako nagkakaganito, wala nang kaamor-amor. Hindi ko na matiis pang nakikitang hinaharot-harot ni Kalvin si Jed kaya lumapit ako't tahasang hinampas ng wallet sabay lumabas. Ayos lang sa akin na mapunta si Jed sa iba kahit kay Jona Vee pa, huwag lang kay Kalvin dahil hindi ito katiwa-tiwala. Ang harot talaga ng baklang iyon at tila hindi nauubusan ng kati sa katawan pagkat kung sino-sinong lalaki ang hinaharot nito. Nawala naman ang selos sa dibdib dahil sa masayang kakwentuhan sina April. Sa oras ng Education 2, nagkaroon kami ng Activity.

10O-A. Ako ang naatasan ni Ma'am Risil na magpa-zerox at bumili ng bond paper ng mga kamag-aral kaya hindi kaagad nakapagsimula subalit natapos naman at nakapagpasa bago ang dismissal time. Wala naman si Ma'am Trisha kaya napagpasyahan nang huwag pumasok sa sumunod na klase. Sinamahan ko pa si Sarlyn sa pagtungo sa OLFU-Regalado para magsauli ng libro. Kaagad din kaming umalis at sa halip na sumakay at dahil sa itinatayong MRT 7, naglakad na lamang kami. Nasarapan sa paglalakad kaya nakarating hanggang NCBA-Fairview at saka lamang sumakay. Kinagabihan, pagsusunog-kilay muli ang inatupag. Balak pa sanang magrepaso ng magdamag, kaso mugto na ang mata sa antok.      


August 18, 2017

Friday

Year V-230

10O-B. Bandang Alas-nuebe na ng umaga ako nagising at kaagad nang bumangon. Pagkaalmusal, pagrerepaso kaagad ang inatupag ko. Sa sobrang abala ko sa pag-aaral, hindi ko namalayan ang oras at Alas-onse na pala't kailangan nang maghanda-handa para sa pagpasok. Habang hindi pa nagsisimula ang klase ay balak ko sanang ipagpatuloy ang pagrerepaso subalit naudlot dahil sa mga bagay-bagay na nakakaabala. Ilang sandali pa'y pumasok na ko. Sa oras ng Clinical Psychology, nagitla kami nang sabihing magkakaroon daw ng maikling pagsusulit. Madadali lamang ng tanong at medyo common kaya kahit hindi nakapag-aral, hindi naman nangamote. Pagkatapos ay saka lamang nagsimula ang pangkatang pag-uulat at saktong sina Kalvin. Hindi ko lubos maunawaan ang kanyang inuulat, magulo at nakakalito kaya kahit iniisip ko na maaaring isipin ng ilan na gumaganti ako kay Kalvin matapos ang pamamahiya nito sa akin ay lakas loob na nagtanong.

10O-C. Nakasagot naman siya, ang problema ay nalalabuan ako at para bang may maisagot lang siya. Hindi lang pala ako ang naguguluhan, maging mga kamag-aral kaya inulan siya ng samu't saring katunungan. Bakas na sa mukha ni Kalvin ang kaba nang si Homer ang magtanong at talagang ginigisa ito nang ginigisa, paano'y ang lalayo ng sagot nito sa tanong. Marami pang katanungan sa isipan pagkat ang gulo nito mag-ulat, subalit mukhang kawawa na si Kalvin, nahihirapan nang magpaliwanag at tumatagal kaya nanahimik na lamang. Atlis ako, kung magtatanong, hindi namemersonal at namamahiya at related sa lesson hindi gaya niya. Nang aming dismissal time sa Clinical Psychology, kasama sina Eloisa at Myrrh ay lumabas muna kami para kumain. Dahil napasarap ang kainan at pagkabalik, saktong naroroon na si Ma'am Joyce at nagtuturo.

10O-D. Balak ko sanang lumabas, kaso na lamang manatili at makinig kaysa mapahiya sa paningin ni Ma'am. Tungkol sa Conformity ang kanyang itinuro at very interesting ang lesson dahil marami kang bagay na natutuklasan. Matapos ang kanilang klase sa Social Psychology at habang vacant time, inasikaso namin nina Kim at Myrrh ang Thesis. Kaagad din naman namin natapos ang mga dapat pang gawin at ayusin kaya napagpasyahang huwag nang pumasok sa Psychological Research pagkat wala naman gagawin kundi landian lang. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi at matapos maghapunan, pagrerepaso muli ang inatupag ko. Bandang Alas-onse nang maisipang matulog.    



August 19, 2017

Saturday

Year V-231

10O-E. Ngayong araw ginugunita ang kapanganakan ng ama ng wikang pambansa na si Manuel Quezon kaya walang pasok, sa buong siyudad lang ng Quezon City. Napasarap ang tulog ko kaya tinanghali na ng gising at kaagad na nag-almusal. Nang makapag-agahan, gawaing bahay ang aking inatupag. Sarap mahiga sa kama lalo na't maulan ang panahon subalit hindi panaig sa katamaran. Maya-maya, sinimulan ko na ang pagsusunog-kilay. Isa talaga sa hadlang kapag nag-aaral ang pagsakit ng ulo, sa dami ba naman ng impormasyon na kailangang iimbak sa kukote, makatamo lang ng mataas na marka at hindi mangamote subalit hindi pa rin umayaw at nagpatuloy.

10O-F. Pagpatak ng tanghali ay tigil muna sa pukpukang pag-aaral para mananghalian. Walang magawa at gawa na hindi naman makagala dala na umuulan, nag-siyesta na lamang. Pagsapit ng hapon, pagrerepaso muli ang inatupag. Kinagabihan, time out muna sa pagsusunog-kilay at nanood ng telebisyon. Hindi ko lamang marinig pagkat sadyang napakalakas ng buhos ng ulan, minabuting patayin na lamang. Sa tagal ng buhos ng malakas na ulan, hindi maiwasang isipin na maaring bumaha. Alas-onse na, subalit wala pa ring humpay ang malakas na pag-ulan. Mataas ang kinalalagyan namin kaya napanatag ang loob na hindi babahain. Masarap talagang matulog tuwing umuulan.


August 20, 2017

Sunday
Year V-232

10O-G. Pagkagising kinaumagahan ay saktong tumila na ang ulan. Pamilyar na boses kaagad ang lumilipad sa pandinig pagkamulat ng mata na kausap ng mata. Iyon pala, nakarating na ang pinsan kong si Arjay galing Cebu. Masyado pang maaga kaya hindi muna bumangon at hinintay sumapit ang Alas-siete. Pagkabangon, kaagad ko siyang kinamusta at nakakagitla dahil isang taon siyang na nasa Cebu para sanayin sa pagiging Seaman. Isang taon din na tiniis nito na hindi makasama ang kanyang nanay. Natutuwa ako na naiingit, dahil nalampasan niya ang lahat ng iyon kaya ngayon ay may narating na siya at mag-a-abroad na. Kung anuman ang tinahak ng pinsan ko na patungo na magiging maganda na ang kanyang kinabukasan, tahakin ko rin sana at kayanin lahat ng pagsubok.

10O-H. Lalo pa kong natuwa kay Arjay at nagpasalamat na rin sapagkat binilhan pa niya ko ng T-shirt at mabuti pa ito, may sarili ng pera at mabibili ang ibig nito. Pagpatak ng tanghali at nang siya ay makapagpahinga, kaagad din ito umalis. Ang kahapong maulan lalo na nung gabi, kabaligtaran pagkat naging maaliwalas at maalinsangan ang panahon. Sa alinsangan, halos mahilo ka na. Sinamantala ko ang magandang panahon para maglaba. Kinahapunan, walang magawa kaya tamang relax lamang sa panonood ng Youtube. Kinagabihan naman, muling nagkarooke sina Papa kaya ang buong bahay, balot muli sa kaingayan at hindi maka-relate sa mga tugtugan nila pagkat puro pang-oldies. Walang ginawa kundi magtiis at hayaan sila. Balak sanang manuod ng pelikula, kaso mabagal naman ang internet at kakairita. Umaasang bibilis pa subalit walang pagbabago. Lugmok na ang mata sa antok kaya kaagad nang natulog.     


August 21, 2017

Monday
(Ninoy Aquino Day)
Year V-233

10O-I. Wala muling pasok, mapa-eskwela man o sa tanggapan dahil ginugunita naman ngayong araw ang pagkakapatay kay Ninoy Aquino. Tila sagana kami sa Holiday ngayong buwan na siyang pabor para sa akin dahil may oras para makapagrepaso at gawin ang ibig subalit ano pa ang silbi na nagka-holiday pagkat nagkataong natapat pa sa Lunes, araw kung kailan wala naman talagang pasok. Dakong Alas-siete na nagising at pagkalamnan ng Sikmura, sinimulan ko na ang pagrerepaso. Kahit paano'y may pumapasok na sa isipan kaya lalo pang ginanahan sa pag-aaral at sa sobrang abala, hindi namamalayan ang pagsapit ng Alas-onse, oras nanaman upang mananghalian.

10O-J. Pagkapananghalian ay balak sanang maglaba, kaso biglang bumuhos ang ulan. Hinintay munang tumila ito't di naman naging mapagkait ang panahon pagkat tumila nga kaya nakapaglaba pa rin. Naging napakasungit ng panahon sa maghapon at idagdag pa ang pagkakaroon ng Black-out. Medyo nababagot manatili sa bahay kaya kahit umuulan at brownout pa, naisipang magtungo sa Taas para magkumpyuter, nagbabakasakaling may kuryente subalit maging doon ay wala. Pagkabalik ng bahay, diretso ako sa pagtulog. Saktong naibalik na ang kuryente pagkagising kaya one to sawa muli sa panonood ng teledrama. Kinagabihan at dala na tinatamad ng mag-aral, nilibang ko na lang ang sarili sa pag-online sa Social Media. Hinintay pang lumalim ng lubusan ang gabi bago mapagpasyahang matulog.


August 22, 2017

Tuesday
Year V-234

10O-K. Magdamag na bumuhos ang ulan bunsod ng Habagat na pinaiigting ng Bagyong Isang kaya ang resulta, suspendido muli ang klase. Tila sinuswerte nga naman ng lagay pagkat ilang araw nang walang pasok. Bandang Alas-nuebe ko na napagpasyahang bumangon at sa kabila na magdamagan ang malakas na ulan, sumilip pa rin ang araw. Kung kailan nga naman deklaradong walang pasok, saka naman gumanda ang lagay ng panahon at tila mapaglaro ito. Pagkaalmusal, gawaing bahay ang inatupag ko. Pagkatapos ay pagsusunog-kilay. Naging maaliwalas ang panahon sa maghapon kaya nagkaroon ng pagkakataon para isagawa ang balak at nagtungo sa Computer shop.

10O-L. Dami kong halakhak habang pinapanood ang Super Parental Guidance nina Vice Ganda at Coco Martin pagkat nag-uumapaw sa kakulitan ang bawat eksena at hinaluan ng kung ano-ano na hinango sa ibang palabas gaya ng Train to Busan at Ang Probinsyano. Sa sobrang tawa ko, hindi na mapigilan pa kahit nabubulahaw na marahil ang mga kasamahang umuupa. Kilig din ako sa pagmamahalan nilang dalawa ang kahit hindi tunay na babae ang character ni Vice Ganda dahil isa talaga siyang hamak na bakla, nagawa pa rin ito tanggapin at mahalin ng kanyang ideal man at buti pa siya. Lalo pang naging kwela ang takbo ng palabas dahil nandoon din si Awra na kapiderasyon ni Vice Ganda at para silang magkapatid kapag pinagsama't talbugan pa sa pagpapaganda. Nahumaling ako ng labis sa panonood kaya hindi namalayang Alas-sais na. Kinagabihan at dahil medyo pagod na, maaga akong natulog.      


August 23, 2017

Wednesday
Year V-235

10O-M. Wala pa rin akong pasok pagkat day off naman ngayong araw subalit dala na walang gagawin sa bahay, tumungo pa rin ng School. Bandang Alas-nuebe na nakarating at pagkatungtong, pagrerepaso agad ang inatupag ko. Maya-maya, naisipan kong puntahan kung saan nagklaklase si Ma'am Joyce para kuhain na sa kanya ang ipinasang questionaire na ipapa-validate. Saktong nagklaklase pa ito kaya hinintay muna ito't tamang kwentuhan kina Jep. Matapos nitong magklase at pagkalabas, kaagad ko siyang nilapitan. Laking tuwa pagkat nabigyan na ng validation ang aming questionaire at matapos ay pinuntahan naman si Sir Juangco. Hindi naman ako nabigo na makadaupang-palad siya kaso may klase pa ito kaya hindi niya maasikaso ang aming questionaire at mamayang Ala-una pa raw pwede. Kasama si Jep ay tumungo muna kami ng Library. Saktong naroroon sina Jona Vee at kasama pa nito si Jed at sa saya dahil nandoon siya, wala nang ano-ano pang lumapit.

10O-N.  May pagkakataon na sana akong kausapin si Jed, ang kaso ay hindi ito makibo pagkat abala sa pagpipinta. Wala na lamang ginawa kundi titigan siya na tipong makatunaw at halos ikasilaw ang kanyang kakisigan. Dahil may pinagkakaabalahan si Crush at baka maasiwa kapag inabala, kina Jona Vee na lamang nakipagkwentuhan. Ilang sandali pa ay parang biglang nagsikip ang dibdib nang dumating sina Kalvin. Heto nanaman siya at balak harot-harutin si Jed, pero pinipigilan ni Jona Vee at kita ko sa kanya ang pangangati, na tuksong-tukso makipaglandian subalit hindi magawa. Kahit nayayamot pagkat nandiyan si Kalvin, sulit na sulit naman ang bawat sandali dahil nasisilayan ito ng malapitan. Lalo pa kong lumigaya nang kanyang pansinin at biniro-biro muli. Ito naman si Kalvin na kaharap ko lang, masura ng husto pagkat panay holding arms kay Jed (Cuya) na akala na magkasintahan, pinagtitinginan na nga silang dalawa't kahit kailan talaga, hindi ito marunong mahiya.

10O-O. Paano'y hindi magawa kay Jed (Cajolo) kaya sa kanya nito naibubuhos ang kating tinataglay ng katawan at kung ako lang sa katuyan niya, matagal ko nang inumbag ang bungo nito sa mesa nang mabawas-bawasan ang kalandian. Saka lang lumuwag ang pakiramdam nang umalis si Kalvin at parang walang ibang inaatupag sa buhay kundi maghanap ng lalaking lalandiin. Nasarapan ako sa pananatili sa puder nila kaya hindi namalayang Ala-una na pala. Kaagad kong pinuntahan si Sir Juangco sa Faculty. Hindi ko ito kaagad na nakausap dahil may nagpapa-validate pa sa kanya at medyo natagalan.

10O-P. Matapos namin mag-usap, hinanap ko si Ma'am Joyce pagkat nadiskubreng old questionaire ang nakuha sa kanya. Nakita ko sa kanyang schedule na may klase pa ito kaya naghintay pa ko. Tumungo muna ako ng Cashier area para magbayad ng Tuition fee at pagkabayad ay kumain muna ako. Tumungo ako ng Faculty, nagbabakasakaling naroroon na si Ma'am Joyce subalit wala ito. Hapon na subalit hindi muna umuwi at matiyagang naghintay. Habang inaabangan ang pagdating ni Ma'am Joyce ay saktong namataan si Jona Vee. Para iwas-bagot sa kakahintay ay nakipagkwentuhan muna sa kanya.

10O-Q. Maya-maya ay sumaya muli ang bawat sandali nang lumabas si Jed. Lalo tuloy ako naging madaldal sa harapan ni Jona Vee, mapansin lang niya at hindi naman ako nabigo at biruang walang humpay muli kami. Kahit kailan, ang lakas niyang mang-trip kapag kasama ito. Kainis lamang dahil tinawag pa nila si Kalvin, may kaagaw na tuloy sa atensyon niya. Kahit na naiinis na kasama si Kalvin, nagawa ko pa rin makisama dahil kay Jed at masaya ako. Saka lamang kami lumabas nang magkaroon sila ng professor. Dala na napasarap ang pakikipagkwentuhan sa kanila't sinulit-sulit ang nakaw-tingin sa kanya, hindi ko namamalayan ang oras at Alas-singko na pala. Mukhang umalis na si Ma'am Joyce kaya napagpasyahan ko nang umuwi. Kinagabihan, heto muli ako sa pagsusunog-kilay at medyo sinisipag ng lagay dahil inspired. Bandang Alas-onse nang mapagpasyahang matulog.                 


August 24, 2017

Thursday
Year V-236

10O-R. Inabot na ko ng Alas-otso sa pagbangon at kahit batid ng isip na mawawalan ng klase mamayang hapon dahil magtutungo lahat ng professor sa OLFU-Valenzuela Campus at matatamaan ang mga subject ko, tumungo pa rin ako ng School pagkat wala namang gagawin sa bahay. Kaagad akong dumeretso sa Library. Pagsapit ng Alas-onse, nagtungo ako kung saan nagklaklase sina Sarlyn. Ilang minuto pa ang lumipas nang lumabas sila at sina Nikki at Mara lamang ang nadatnan ko. Magkakasama kaming nananghalian at masaya ako habang kapiling ang mga kaibigan. Nanatili muna kami sa canteen at nakipagkwentuhan. Maya-maya at dahil wala naman kaming klase, napagpasyahan nang umuwi. Diretso ako sa panonood ng telebisyon pagkatungtong sa bahay. Pagkatapos manuod at dala na namamayani ang antok, beauty rest muna ako para manatili ang ganda ng lola niyo at maging habambuhay. Kinagabihan at tinatamad man subalit dahil determinadong makapasa, nagsunog-kilay muli ako. Saka lamang ako natulog nang makaramdam ng antok sa mga mata.       


August 25, 2017

Friday

Year V-237

10O-S. Napasarap nanaman sa pagtulog kaya tinanghali na ng gising. Pagkaalmusal ay diretso ako sa pagrerepaso. Sa sobrang tutok ng mata, hindi namamalayang Alas-onse na't kailangan nang maghanda-handa para sa pagpasok. Inabot ng napakabigat na trapiko kaya laking pangamba na mahuhuli na talaga sa pagpasok. Mahuhuli na nga, aksidente pang nabangga ng aming jeepney driver ang kotse at nagkomprontahan pa sila. Hindi naman ganon kagrabe ang tinamo ng kotse at gasgas lamang na kung tutuusin ay madaling maagapan subalit ganon na lamang katindi ang galit ng may-ari ng kotse sa kabila na humihingi na ng paumanhin ang driver. Masyadong abala yung driver ng kotse sa amin at di na lang makipag-areglo nang makabiyahe na kami. Nakabiyahe naman kahit hindi pa tapos ang diskusyon nila subalit pagdaan ng SM Fairview, pinalipat na kaming lahat at abala muli dahil maghahanap pa ng masasakyan. Mahuhuli na talaga pagkat halos usad pagong ang galawan ng mga sasakyan pagkatungtong sa Quirino Highway.

10O-T. Saktong mga kamag-aral pa lamang ang nadadatnan pagkarating sa School. Sa oras ng Clinical Psychology at bago ang class reporting, nagkaroon muna kami ng quiz. Nakakabigla pagkat hindi kami nakapagrepaso, tapos ang hihirap pa ng tanong kaya ang resulta, nga-nga sa pagsagot at mangamote na ng husto. Pagkatapos ay saka lamang nagsimula ang class reporting. Sina Anne Rose ang nag-ulat at maya-maya pa, nagkaroon muli ng debate at palitan ng opinyon subalit hindi naman nagpang-abot. Nakapagturo pa si Sir Juangco at bentang-benta talaga ang mga pahirit nitong jokes, sasakit ang Tiyan mo sa kakatawa. Ilang sandali pa, dismissal time na. Hinintay ko pa si Ma'am Joyce para kuhain sa kanya ang questionaire at pagkaharap, sinabi nitong naiwala niya kaya ang resulta, dali-daling lumabas para magpa-print ng panibagong questionaire. Saktong nagkita kami ni Myrrh at tulong-tulong kaming dalawa sa pag-asikaso ng questionaire.

10O-U. Nang maisakaso ang lahat ng kailangang gawin, daglian na kong umalis. Minalas lamang ng lagay dahil sa katangahan, namali ako ng nasakyan at sa halip patungong Taniman ay patungong Area A, napalayo tuloy ako. Nagkamali na nga ng sinakyan, naubusan pa ng gasolina si manong tsuper at umuulan pa. Naiinis na ko nang panahong iyon kaya hindi na mapigilan ang sariling pagsalitaan siya at manisi. Kahit umuulan at may kalayuan pa, no choice kundi maglakad. Nakarating naman ng bahay, iyon nga lang ay basang sisiw na halos. Lalo pang umigting ang pag-ulan pagsapit ng gabi dulot ng Bagyong Jolina at mukhang magdamagan ito. Balak sanang magrepaso, kaso tinatamad ako kaya mas piniling matulog na lang pagkat umuulan.         


August 26, 2017

Saturday

Year V-238

10O-V. Malapit nang sumapit ang Alas-nuebe ako nagising. Saktong humupa na ang pag-ulan at sumisilip na kahit papaano ang araw. Matapos mag-agahan, kaagad akong nagrepaso. Bandang Alas-onse nang itigil ko ang pag-aaral para mananghalian at makapaghanda-handa sa pagpasok. Hindi naman gasino katrapik kaya kaagad din nakarating ng unibersidad. Habang hinihintay magsimula ang klase, tamang soundtrip muna ako at sarap makinig ng mga sentiment song, ang lakas makahugot. Pagpatak ng Ala-una, pumasok na ko ng silid. Sa oras ng Current Issue, pumasok na si Ma'am Trisha matapos ang halos isang buwan at nagturo. Tungkol sa Person-Centered Therapy ang itinuro nito at parang Guidance and Counseling ang pinasukan dahil puro tungkol sa kung paano magpayo ng kliyente ang laman ng discussion.

10O-W. Sa oras naman ng Education 2, nagkaroon muli ng palaro at iyon ay na kung tawagin ay Casha na kung saan magbibigay ng problem ang Instructor at kailangang mapagkasya sa anumang bagay na binanggit base sa itinakdang bilang ang anumang parte ng aming katawan. Mukhang hindi biro ang laro na iyon at lugi para sa kagrupo kung sasali dahil malaking bulas at masyadong limitado ang espasyo kaya umayaw ako at pinanood na lamang sila. Sa una, halatang seryoso habang nag-uusap subalit kinalaunan, nagkagulo na kaya ang resulta, balot sa kaingayan ang buong silid at kita sa mukha ni Ma'am Risil na naririndi na. Dahil sobrang ingay at nagkakagulo na rin, ipinatigil na ni Ma'am ang palaro. May nalalabi pang oras kaya nagkaroon muli ng pag-uulat.

10O-X. Habang may nag-uulat, may biglang pumasok na isang professor at matapos nilang mag-usap ni Ma'am Risil, nag-anunsyo ito at sinabihang kailangang dumeretso sa bahay at huwag nang manatili kung saan-saan sa loob ng Campus. Iyon pala, may nasaksak kahapon lamang na estudyante dahil napagtripan daw ito ng marahil lasing o lango sa droga at kakagimbal ang balita. Tila nagkakasunod-sunod ang nasasaksak na estudyante sa School namin at nakakapanindig-balahibo ang natatanggap na balita. Wala na marahil ligtas na lugar kahit sa school pa at kailangan na lang ng pag-iingat. Sa oras ng Physio Psychology, tungkol sa optic nerves ang itinuro sa amin ni Ma'am Trisha at dahil dalawang meetings na lang bago ang Midterm exam, medyo nagmamadali na ito. Maaga kaming pinalabas matapos nitong magturo at kaba ang namamayani sa dibdib habang naglalakad palabas ng campus dahil sa nabalitaan. Pagkarating ng bahay at diretso lamon ako't matapos ay heto muli sa pagsusunog-kilay. May kalaliman na rin ang gabi nang maisipang matulog.              


August 27, 2017

Sunday
Year V-239

10O-Y. Sa katakawan muli ng tulog, tinanghali sa paggising. Matapos magkape, pagrerepaso muli ang inatupag ko. Nasarapan ako sa pag-aaral di lamang dahil sa gustong makapasa sa darating na board exam kundi maraming malikom na kaalaman bilang Psychology Student kaya hindi namamalayan ang pagpatak ng Alas-onse. Matapos mananghalian at dahil inimbitahan ako ni Mara sa kanilang Youth Service ng bandang hapon, nagpahinga muna ako. Bandang Alas-dos nang magising at diretso na sa pagbibihis at paghahanda. Bago pa man sumapit ang Alas-tres nang makarating sa Litex, lugar kung saan kami magkikita-kita subalit hindi ko pa sila namamataan. Panay ang aking text subalit hindi naman nagre-reply kaya darating na sa puntong ibig na lang umuwi kaso kinalaunan ay nalaman ko rin kung nasaan sila hanggang sa magtagpo-tagpo. Kasama ni Mara ang kapatid nito at dahil Born-again Christian, hindi gaya sa Katoliko ang kanilang Church pagkat parang kapilya lamang ito at walang makikitang rebulto ng mga santo. Hindi na bago sa akin ang dumalo sa Worship ng mga Born-again dahil dati na ko nakadalo sa ganung relihiyon subalit naninibago pa rin dahil bagong mga mukha ang nakakaharap, bagong makikilala.

10O-Z. Ilang sandali pa, nagsimula na ang Worship at kahit hindi kaanib ng kanilang relihiyon, nakisama pa rin. Kung ako lamang ang tatanungin, mas matindi ang debosyon ng mga Born-again sa Diyos kung ikukumpara sa Katoliko dahil napapaiyak habang umaawit at dinadamhim talaga sa dibdib ang bawat lirikong kinakanta subalit mas malapit at komportable ang loob sa Katoliko dahil kinagisnan ko iyon. Gusto ko maging gaya nila subalit hindi pa ko handa na yakapin ng lubos ang pagiging Born-again kahit na apat na taon na kong na-baptist nung panahong kina Pastora Anna pa. Matapos ang makabagbag-damdamin na pag-awit na tagus sa dibdib ng bawat isa, bible study na. Tungkol sa mga bayani ang tema ng Teachings.

10P-A. May punto ang speaker at karamihan sa mga kabataan ngayon, mas kilala pa nila ang mga Superhero gaya nina Superman, Spiderman, Wonderwoman, The Avengers at iba pa samantalang piksyunal lamang ang mga iyon. Pero yung mga naging bayani ng ating bansa, hindi na kilala. Ni hindi nga nila naisip na Superhero rin si God dahil nakatuon ang pag-iisip sa mga Famous Superhero Character. Bukod pa dun ay marami nang kabataan ang nalululong sa masasamang bisyo gaya ng Droga, Sigarilyo at iba pa. Sabi ni Gat Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan para sa kinabukasan subalit malabo nang mangyari iyon dahil iba na ang kabataan ngayon at iilan na lamang marahil ang mga kabataang may malasakit sa bayan. Matapos ang Youth Fellowship Service, nanatili muna ako sa kanilang Church at nakipagkilala. Laking gulat dahil nandoon din ang isa ko pang kaklase na si Joshua (Retuertas) bukod kay Mara at kwentuhan muna kami.

10P-B. Ilang sandali pa, nagpaalam na ko sa kanila. Wala pang balak umuwi kaya nagtungo muna ng Computer shop. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi at saktong nagkakaraoke muli sina Mama. Kagagaling ko lamang ng Church at ayaw kong magbitaw ng hindi magagandang salita subalit nayamot sa sinabi ni Mama at kung makapagsalita, parang hindi niya ko anak at kadugo. Parang sinindihang posporo ang dibdib ko kaya kaya hindi mapigilang sagut-sagutin ito. Marunong ako rumespeto na kahit na sino subalit kung ganyan lamang ang pag-uugali, nakakawalang-ganang gumalang at sarap bastusin dahil bastos din naman. Hindi naman nagtagal ang bangayan namin ni Mama. Hindi pa makatulog kaya nagrepaso muli ako. Bandang Alas-onse nang mapagpasyahang ihimlay ang sarili sa kama.          


August 28, 2017

Monday
(National Heroes Day)
Year V-240

10P-C. Ngayong araw naman ginugunita ang kagitingang ipinamalas ng mga bayani nung panahon ng digmaan kaya wala muling pasok. Salamat sa naging bayani ng ating bansa kundi dahil sa kanila, tinatamasa natin ngayon ang walang hanggang kalayaan. Mabuti na lamang, hindi nabuhay sa panahong sinasakop ang ating ng mga banyaga pagkat punong-puno ng hirap at panganib. Bandang Alas-otso na ko nagising at pagkaalmusal ay kaagad akong nagrepaso. Habang tutok ang mata sa pagsusunog-kilay, sina Mama, sinabihan ako na mamasyal sila ng Kuya. Minsan lamang sila gumala kaya kahit ako lamang mag-isang maiiwan sa bahay, mabilis pa sa guhit ng kidlat ang pagpayag. Maigi rin ang mapag-isa dahil magagawa ang gusto at walang makakapgil sa'yo subalit kailangan igtingan ang pag-iingat dahil talamak ngayon ang nakawan at maaaring sumalakay ang kawatan anumang oras.

10P-D. Bandang tanghali nang umalis na sina Mama at ang lungkot dahil ako na lamang mag-isa sa bahay. Matapos mag-aral, nananghalian na. Walang magawa kaya nilibang ang sarili sa panonood ng Telebisyon. Inaasahan ko na mamayang gabi pa posibleng makauwi sina Mama subalit nagitla ako sapagkat hindi pa man sumasapit ang gabi, dumating sila. Ang dala nilang pasalubong na palabok ang naging meryenda at sa dami ng kinain, hindi marahil maghahapunan pa. Pagpatak ng gabi, muling bumuhos ang malakas na ulan na sinabayan pa ng nagtatalimang kidlat at nakakarinding dagundong ng kulog kaya nakagapos muli sa takot ang dibdib ko at halos pagpawisan na. Nang humupa ang unos, saka lamang nakahinga ng maluwag. Hindi pa makatulog kaya nag-aral pa ko. Bigla kaming tinablan ng gutom kaya kahit Alas-dyis na ng gabi, naghapunan pa rin. Matapos kumain ay saka lamang nagsipag-tulog. 


August 29, 2017

Tuesday
Year V-241

10P-E. Masarap pang matulog subalit kailangan ko nang bumangon pagkat maaga na't marami pang kailangang asikasuhin. Pagkatapos mag-almusal ay pagrerepaso muli ang inatupag ko habang may oras. Naging abala ako sa pag-aaral kaya hindi namamalayan ang oras at tanghali na pala. Kanina pa nakakaranas ng gutom sa Sikmura kaya dagliang kumain nang may malutong ulam. Dahil ngayong araw isasagawa ang seminar, at wala nang klase ang mga taga-Dash 3, di na ko pumasok pa. Kinahapunan, muling nagbabadya ang ulan at dahil may balakin ngayon hapon na hindi ibig maudlot, habang hindi pa bumubuhos ang ulan ay tumungo na ng Computer shop. Nasarapan sa panonood ng Youtube at pag-browse sa Facebook at Instagram kaya inabot ng dalawang oras na babad ang mata sa pagkukumpyuter. Bandang takip-silim nang makabalik sa bahay at panonood naman ng telebisyon ang napagkalibangan. Kinagabihan, heto muli ako sa pukpukang pagrerepaso dahil sa kagustuhang makapasa. Nang makaramdam ng antok, saka lamang natulog.


August 30, 2017

Wednesday
Year V-242

10P-F. Wala akong pasok ngayong araw subalit dahil wala naman gagawin sa bahay at nakakabagot, nagtungo pa rin ng school. Bandang Alas-dyis nang makatungtong ako roon at kaagad na dumako sa library. Dahil baka sa linggong ito na mag-report sa Education 2, sinimulan ko nang gawin ang report presentation. Kaagad ko rin naman ito natapos at dahil wala pang balak umalis ng library dahil malamig at tahimik pa, nagrepaso ako. Lalo pa kong ginanahan sa pag-aaral nang dumating si Special Someone. Mag-isa lamang ito at hindi kasama ang kanyang bestie na kaibigan ko rin kaya balak na sanang lapitan, kaso pumipigil ang hiya. Hanggang pasulyap-sulyap na lamang sa kanya nang hindi nito nalalaman.

10P-G. Natagalan din bago siya umalis. Makaraan ang halos apat na oras na pananatili sa library ay saka lamang umalis at nananghalian. Pagkatapos kumain at sa halip na umuwi, tumungo pa ko kina Tita Cleo para kuhain sa kanila ang bag na regalo daw sa akin ni Ninang Reden. Kung kailan nasa Novaliches bayan na ako, biglang nag-text ang Tita Susan at sinabing nasa Batangas daw ito at baka walang tao sa kanila. Dahil sa sinabi nito ay nagdadalawang-isip kung tutuloy pa ba ako hanggang sa mapag-isip na bakit hindi magbakasakali.

10P-H. Pagkatungtong ng Talipapa, saktong sarado ang kanilang bahay subalit kumatok pa rin ako hanggang sa may magbukas sa akin. Si Harvey lamang ang tao sa kanila at hindi nito alam kung saan inilagay nina Tita ang bag. Hindi muna ako umalis at nakipagkamustahan at kwentuhan sa kanya. Habang nag-uusap ang pagdating naman ni Angelle at tinawagan ang Tita Cleo para mahanap ang bag. Pagkabigay ng bag ay hindi na ko nagtagal pa sa kanila. Sa layo ng biniyahe, naghihingalo na ang liwanag nang makauwi. Kinagabihan, pamamalantsa ang inatupag ko. Pahinga muna sa pagrerepaso na sangkaterba at nilibang ang sarili sa Social Media. May kalaliman na rin ang gabi nang ako ay matulog.            


August 31, 2017

Thursday
Year V-243

10P-I. Huling araw para sa buwang ito at may kasiglahang bumangon kahit malakas ang buhos ng ulan. Maaga akong tumungo ng School. Dahil magkakaroon pala ng Long Test sa Education 2, nagrepaso ako. Nirepaso ko na rin ang iuulat dahil baka mamaya na rin ang aming group report. Makalipas ang isang oras, umalis na ko at tumungo ng Computer shop. Dahil may kamahalan ang renta kung ikukumpara sa aming lugar na di hamak na mas mura, kahit humaling na humaling ay hindi pinaabot ng dalawang oras. Pagkatapos ay saka lamang kumain at ang bait sa akin ng tindera dahil binigyan ng discount. Habang lumalamon ay biglang nakarinig na may naghihiyawan sa may Quadrangle. Pagkatungo, ang daming Senior high na nagsisiksikan sa iisang umpukan na may hawak na ribbon na iwinawagayway. Dahil doon kaya pahirapan sa akin ang makakilos papasok. Nang tuluyang makapasok ay saktong namataan sina Kathleen at Mara.

10P-J. Nalaman ko na ngayong araw ang screening ng Mr. and Ms. Psychology 2017 at inuudyok nila akong sumali. Ayos lang sa akin na sumali sa ganyan dahil feel ko ang rumampa kahit naglalakad nga lang subalit iniisip ko kung anong ipapakitang talent. May talent naman ako, ang kaso ay hindi pagkanta o pagsayaw. Bukod sa kanila ay inudyok din ako nina April at Jed (Cuya) na sumali. Sa una, kinakabahan talaga kaya walang balak sumali subalit tila nanghihinayang kung pakakawalan ang oportunidad kaya kahit labag man sa kalooban, sa kagustuhan na rin mapataas ang kumpiyansa sa sarili at ma-experience kung paano ba ang rumampa sa entablado bukod sa kanilang pangngumbinsi walang ano-ano nang sumali.

10P-K. Magtatapos din naman ako kaya sulitin na at tama na ang pagiging mahiyain at walang bilib sa sarili, panahon na para may mapatunayan at lumabas sa comfort zone. Tiwala akong hindi pababayaan ng Diyos kaya hindi na uurong pa. Lalo pang sumidhi ang kaba nang tawagin para sa Screening. Pinagrampa muna nila ako at nilakasan ang loob sa pagpapakamaton dahil Mister Psych candidate. Para sa akin, hindi biro ang rampang lalaki, marahil ay dahil sa pusong babae ako't mas komportable sa rampang pambabae at pambakla, kailangan may charm at maangas-angas. Matapos pagrampahin ay binigyan naman nila ng oras para ipakita ang talento.

10P-L. Parehong kaliwa ang paa ko kaya kumanta na lamang kahit batid na kasumpa-sumpa ang boses at walang hiyang bumirit. Saka lamang nakahinga ng maluwag matapos ang Screening subalit hindi pa ko dapat magpakasaya dahil there's more. Kahit late na, pumasok pa rin sa klase ng Current Issue. Saktong nagtuturo na si Ma'am Trisha pagkapasok at ilang saglit pa, dismissal time na. Sa oras ng Education 2, kahit naka-leave si Ma'am Risil ay natuloy pa rin ang long test. Medyo nahihirapan sa pagsagot pagkat hindi gasinong nakapagrepaso hanggang ilang saglit pa ay may napansin si Dianne na may mali sa paggawa ng exam. Napansin rin namin ang napansin nito kaya magkandaloka-loka na habang sumasagot hanggang sa bandang huli, hinula-hulaan na lamang at bahala na sa magiging resulta.

10P-M. Matapos ang pagsusulit, sinimulan na namin ang pagkuha ng Video habang nagre-report. Ako ang kauna-unahang magre-report kaya dobleng kaba ang namamayani sa dibdib subalit nilakasan ang loob na magsalita. Dahil sa reporting na saktong isinagawa pagkatapos ng klase sa Education 2, hindi na nakapasok pa sa klase ng Physio Psychology. Nang makapag-report ang lahat sa amin, nanatili muna sa loob ng silid at nakipagkwentuhan kina Sarlyn. Pagsapit ng Alas-sais, nagsialisan na kami. Habang nasa biyahe, napapaisip kung tama ba ang naging desisyon na ang pagsali at kinakabahan sa posibilidad na mangyayari. Hindi baleng matalo, basta ang mahalaga'y hindi umurong dahil kapag ginawa iyon, parang sinabing mahina't duwag. Sana man lang ay may maibuga ako sa entablado.                    





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento