April
01, 2016
Friday
Year IV-092
Friday
Year IV-092
8b-s. Sumapit muli ang buwan ng Abril at ito ang araw ng lokohan at biruhan
dahil April Fools day subalit kahit hindi ganito ang araw ay may
nanloloko pa rin at mahilig manlamang ng kapwa, makuha lang ang gusto. Hindi ko
maintindihan, bakit tuwing ganitong araw lamang inaalala ang tungkol sa
lokohan. Bukod sa naloko ka na nga, masasaktan ka pa dahil pakiramdam mo, ang
tanga-tanga mo at nagawa silang pagkatiwalaan. Kaya nga sa panahon ngayon,
kakaunti na lamang ang taong totoo at may isang salita at mahirap ng magtiwala.
Para maiwasang masaktan o magsisi kapag pinapangakuan, iwasan ang mangako at
magtiwala dahil di natin alam ang takbo ng kanilang isipan.
8b-t. Kung iisipin, mas masakit kapag naloko ka dahil sa pag-ibig at mahirap
tanggapin na magagawa niya iyon.
Sa sarap ng tulog, malapit ng mag-ikawalo ng umaga ako nagising. Himala
lamang pagkat unang araw sa buwan na ito pero makulimlim at nagbabadyang
umulan, maigi na rin maging ganoon muna ang lagay ng panahon para makapaghinga
ang katawan sa maalinsangan at nakakatigang na panahon. Matapos mag-almusal ay
gaya ng nakaraang araw, pagwawalis at pagpupunas pa rin ang inatupag ko ng mga
oras na iyon at ng makapaglinis ay paggawa muli ng kwento ang napagkaabalahan
ko.
8b-u. Pagsapit ng tanghaling tapat, kainis pagkat umaraw nanaman at anong
init muli sa pakiramdam. Dahil may lakad si Mama, ako muna ang nagbantay sa
tindahan at iyon ay maghapon. Pagkadating ni Mama galing mall ay
takam na takam muli ang Sikmura na malamnan dahil may dala siyang pasalubong. Pagkatapos kumain
ay naisipan kong tumungo ng Computer Shop. What is new pagkat
nakakarindi pa rin ang ingay sa shop na pinasukan ko at
mukhang di nagsasaway ang nagbabantay dun. Kinagabihan ay ipinagpatuloy ko ang
paggawa ng di matapos-tapos na kwento. Dakong Alas-onse na ng maisipan kong
ihimlay ang sarili sa kama.
April
02, 2016
Saturday
Year IV-093
Saturday
Year IV-093
8b-v. Alas-sais pa lamang ng umaga ako nagising mula sa mahimbing na
pagkakatulog pero dakong Alas-siete na napagpasyahang bumangon. Tagal ko na din
hindi naglalabas-labas at gusto ko maglakwatsa sa malayo kaya kaagad na kong
nag-almusal at naligo. Kina Ate Anne ko naisipang pumunta at
bago ako tumungo sa kanila ay dumaan muna ako sa Our Lady of Fatima
University upang magtanong tungkol sa Summer Class.
Pagkatungo sa Unibersidad ay mistulang Ghost town pagkat ang
tahimik at walang gaanong pakalat-kalat na estudyante at maraming tindahan
at Canteen din ang sarado. Pagkatanong ay hindi na din ako
nagtagal at tumungo na sa Bulacan. Habang nasa biyahe at
pagkalampas ng Tungko ay minamalas lamang ng lagay pagkat
napakatrapik at halos di na umuusad ang galaw. Dahilan ng trapik ang paglalagay
ng Aspalto sa daanan at muntikan ng abutin ng isang oras na nakatengga kami
sa Grotto at mabuti na lamang, may napagkaabalahan ako kaya di
naman nainip. Dakong Alas-dose na ng marating ko ang Muzon.
8b-w. Hindi ko talaga kabisado kung saan banda nakatirik ang bahay nila Ate
Anne kaya nagtanong-tanong pa ko. Mabuti na lamang, pamilyar sa akin
ang dadaanan patungo sa kanila hanggang sa wakas, natunton ko din ang bahay
nila. Sila lamang mag-ina ang nadatnan ko na abala sa panananghalian. Naaawa
lamang ako sa aking pinsan pagkat masyadong pasaway ang mga anak niya, maliliit
pa man din kaya mahirap pagsabihan at di matapos-tapos ang gawain niya dahil sa
kanila. Kung sakaling magkakaanak ako, gusto ko nakapagtapos na ng pag-aaral at
asensado na ang buhay para hindi danasin ng magiging anak ko ang hirap, bukod
pa dun ay ayaw ko ng kada taon, darating ang panibagong supling at gusto ko ay
kada apat na taon o higit pa at tama na hanggang apat na anak lang.
8b-x. Ang mali lamang sa pinsan ko, di dapat siya nagpabuntis ng maaga. Saka
lamang kami nakapagkwentuhan ng matino ng magsitulog ang mga anak niya at
kilabutan ako ng husto sa mga istoryang inilalahad sa akin ni Ate Anne. Pagsapit ng
Alas-kwatro ay tiyempo ko pang naabutan ang asawa nitong si Kuya Kevin at
doon pa lalo nagpakita sa pagiging hyper ang mga anak niya.
Dahil gagabihin kung magtatagal pa ko sa kanila, malapit ng mag-ikalima ng
mapagpasyahan ng magpaalam sa kanila. Pagkatungo sa may Novaliches
Bayan, laking gulat ko pagkat ang haba ng pila sa sakayan ng jeep,
inigtingin ko ang aking pasensiya.
8b-y. Sa haba talaga ng pila na
tatlong kilometro talaga ang haba, abutin na ng dilim bago makasakay. Grabe ang
gutom na aking dala-dala kaya pagkauwi ay diretso agad sa paglamon. Matapos
kumain, panonood muli ng telebisyon ang inatupag ko. Makabagbag damdamin ang
natunghayang kwento sa MMK pagkat tungkol iyon sa dalawang
babae na magkaiba man ang bansang kanilang pinanggalingan ay naging matalik pa
rin silang magkaibigan at parang kapatid na nga ang turingan sa isa't isa.
Kahit anumang pagsubok ang dumaan ay di pa rin nasira ang pagkakaibigan nila.
Grabe at mapaluha ako habang pinapanood ang kwento nilang dalawa, nakaka-touch.
Pagkatapos manood at sa antok na din, kaagad na kong natulog.
April
03, 2016
Sunday
Year IV-094
Sunday
Year IV-094
8b-z. Araw ng Linggo, nakakasilaw na ang liwanag sa labas at maingay na din
ng magising ang katawang lupa ko. Medyo lugmok pa ang mga mata sa antok subalit
Alas-otso na at kailangan ng awatin ang sarili sa pagtulog. Pagkatapos
mag-almusal, paggawa muli ng kwento ang napagkaabalahan ko at feel na feeltalaga
ang pagiging writer. Naasar lamang ako sapagkat naantala ang
pagsusulat ko ng kwento dahil maya't maya ang bumibili. Nandoon na ko sa eksena
na suspense at pinakarurok na ng banghay ng kwento kaya
ganadong-ganado ang magsulat pero unti-unting nawawala ang gana ko kapag
paulit-ulit na naantala. Palibhasa may ibang pinagkakaabalahan ang may ari ng
tindahan kaya ako parati ang sumasalo sa obligasyong magtinda.
8c-a. Dahil parating naantala ang pagsusulat sa dalas ng bumibili,
napagpasyahan kong itigil muna at magtinda habang di pa tapos si Mama sa
kanyang gawain. Nakadagdag pa sa aking pagkairita kapag mga bata ang bumibili
tapos ang tatagal pumili ng bibilhin, pilit kong pinapalawig ang pasensiya pero
parang kandilang nauupos. Idagdag pa ang mainit na panahon kaya lalo pang badtripang
araw mo. Hindi ko maipaliwanag sa sarili kung bakit nakakaramdam ng inis sa
halip na tuwa sa tuwing may bumibili samantalang kumikita naman ang negosyo o
sadyang wala lang ako sa mood para magtinda at gusto ay
magmuni-muni. Ang nakakaasar pa, kung kailan bantay sarado na ng mata ang
tindahan, wala naman gaanong bumibili at nakakainip maghintay. Habang wala pang
bumibili at kahit tanghaling tapat ay inatupag ko ang gawaing bahay.
8c-b. Kinahapunan naman ay tamang relax lang sa duyan at
nilalanghap ang sariwang hangin. Minsan lang ito maganap kaya sinusulit ko na
at sarap maghayahay mood kapag nalampasan mo ang
pinagsamang pressure at stressful na gawain.
Pagsapit ng gabi ay anong ingay sa aming kapaligiran at ito ay nuknukan, di na
halos marinig ang pinapanood at idagdag pa ang kapatid ko na bigla-bigla na
lamang sisigaw, naririndi na tuloy ang aking teynga. Bago matulog, ipinagpatuloy
ko ang paggawa ng kwento at balak ko na sanang tapusin, kaso paubos na ang
baterya ng aking selepono at malapit ng sumapit ang Ala-una ng madaling araw
kaya di na ko nagpakapuyat pa sa pagsusulat at kailangan ng ipagpahinga ang
mata.
April
04, 2016
Monday
Year IV-095
Monday
Year IV-095
8c-c. May liwanag na sa labas ng magising at saka lamang napagpasyahang
bumangon pagkadating ni Ama galing trabaho. Matapos magkape, paggawa muli ng
kwento ang pinagkaabalahan ko. Ilang sandali pa at dahil sa tiyaga, sa wakas ay
natapos ko na din ang kwento. Nakakataba ng puso kapag ang bagay na labis mong
pinaghirapan, nakuha na at pakiramdam mo ay nagwagi ka. Sumunod ay gawaing
bahay na ang napagkaabalahan ko. Sa sipag kong ito, di lamang mga sahig ang
pinunsan maging mga kagamitan. Sa dami ng aking ginawa, di namalayang sumapit
na ang tanghaling tapat. Wala pa palang nalulutong ulam at gawa na kumakalam na
ang sikmura at wala ng panahon ang magulang ko para magluto sa dami ng
ginagawa, ako na mismo ang nagluto ng pananghalian. Matapos mananghalian at
dahil nakakabato kapag walang magawa, pagbabasa ng bibliya ang naisipang
pampalipas oras at bukod sa nalilibang ka sa pagbabasa, marami kang araw na
kapupulutan.
8c-d. Ang awkward lamang ng dating sapagkat nagbabasa ako
ng Bible, tapos nagtitinda ng sigarilyo. Hindi ko talaga ibig ang
magtinda ng sigarilyo ng oras na iyon subalit no choice ako
kundi gawin iyon alang-alang sa aming negosyo. Maya-maya pa ay natulog muna
ako. Hindi lamang makatulog ng maigi pagkat may kaalinsangan ang panahon.
Dakong Alas-tres na ng hapon ako nagising at gawa na nakakabatong manatili sa
bahay, kahit nakakapaso pa ang init sa labas ay naisipan pa din lumayas. Habang
naglalakad ako'y saktong namataan si Precious Jane. Higit tatlong taon
na din magmula ng huling magkita at kamustahan kaming dalawa. Patungo din ito
sa bahay nina Cathy kaya sumabay na ko. Pagkatungtong namin,
pagkanta muli sa Videooke ang naging libangan nila. Wala man
kaming balak kumanta at dahil sa pamimilit nila ay napakanta na din.
8c-e. Talo nga lang ako kay Precious Jane pagkat ang kinam
ng boses at di napipiyok kahit may kataasan ang kanta samantala ako ay di na
lamang bumibirit upang di malagay sa kahihiyan ang sarili at maging laman ng
usapan ng mga adik sa Tsismis. May lakad sina Ate Ging kaya di
na kami nagtagal pa at kahit paano, nabigyan ng aliw ang oras ko dahil dun. Kina Shiela ako
sunod na tumungo at laking tuwa pagkat saktong naroroon si Annie, non-stop muli
kami sa tsikahan at minsan ay tawanan. Kilig ang namamayani sa dibdib ko pagkat
wala kaming ibang mapag-usapan kundi tungkol kay Crush. Kahit di ko
pa naranasan ang makipagrelasyon ay marahil mas masaya kung ganito lang pagkat
di mo mararamdaman ang sakit kahit anong gawin niya. Hindi naman masama ang
lumandi at maging malandi basta nasa lugar at hinay-hinay lang.
8c-f. Ilang sandali pa ay kina Ate Bing naman ako nanatili.
Grabe ang mga anak nito pagkat saksakan sa kakulitan. Kahit di pa ko ganap na
magulang ay dama na ang hirap kapag ang mga anak mo, puro bata at wala pang
isip pagkat walang kamatayang pagsasaway ang gagawin mo at
nakakapagod. Kahit na nuknukan sa kakulitan ay sila ang nagbigay saya sa
akin pagkat nakakatuwa at nalilibang-libang kahit paano. Medyo nasarapan lamang
ang mata sa panonood ng Video kaya di napansing kumagat na ang
gabi at Alas-otso na pala. Kasing anghang ng siling Labuyo ang sermon na inabot
ko pagkauwi. Minsan ko na nga lamang ito gawin, nagagalit pa sila
samantalang tinatapos ko muna ang dapat gawin bago ituloy ang paglalayas. Makapagsalita
sila, akala'y wala akong naitutulong, palibhasa'y di marunong mag-appreciatekung
ano ang naitulong ko. Ayaw kong mauwi sa hidwaan kaya hinayaan na lamang silang
magbunganga at di na inintindi pa. Pagsapit ng Alas-onse at matapos manuod ng
telebisyon ay kaagad na kong natulog.
April
05, 2016
Tuesday
Year IV-096
Tuesday
Year IV-096
8c-g. Hindi ko mapigilang kabahan sapagkat ngayon ko na kukunin ang grade ng
aking mga subject. Kamusta kaya ang natamo kong marka at
sana'y naipasa lahat. Dahil may lakad, Alas-sais pa lamang ay bumangon na ko at
nag-almusal. Hindi muna ako kaagad na umalis at hinintay pa si Papa upang
manghingi ng pera. Sumapit na ang Alas-otso subalit wala si Papa at gawa na
mahuhuli na ko sa pag-enroll para sa Summer Class, di
ko na ito nahintay pa at nagpasya ng umalis. Pagkatungo sa paaralan ay
bulto-bulto na ang dagsa ng mga estudyante at pinapangamba na marahil mahaba na
ang pila sa bayaran. Saktong namataan ko sina Eloisa habang
papatungo ako sa bayaran at laking tuwa ko pagkat nagkita-kita at nagsama-sama
muli kami. Balak ko sana kuhain ang naudlot na asignaturang Botany,
kaso makabutas bulsa ang matrikula at ang mga sinabi nila ang nagpabago sa
aking pasya. Maya-maya pa'y tuluyan na kong tumungo sa Cashier Area at
muntikan na kaming magtalo ni ManongGuard pagkat hanggang doon pala
ang pila at napakahaba.
8c-h. Sa haba ng pila, abutin ako ng higit isang oras bago makapagbayad.
Si Sir Jigo at Ma'am Ria raw ang
namamahala for enrollment kaya magkahalong kaba at
hiya ang nararamdaman ko at iyon ang pumipigil sa akin upang magtungo doon.
Para mabawasan ang hiya ay naisipan kong magpasama sa kanila kaso ang hirap
nilang ayain, mag-isa na lamang akong tumungo doon at totoo nga pagkat siya ang
namamahala. Inuna ko munang kuhain ang akinggrades at labis ang
ligaya ko pagkat naipasa lahat ultimo mga mabibigat na subject sa
utak. Nagdadalawang isip pa ko kung ipapagpatuloy ba ang pag-e-enroll,
lalo na't palakas ng palakas ang nadaramang hiya sa dibdib.
8c-i. Dahil mistulan akong Makahiya ng mga oras na iyon, pinauna ko muna
si Alvis. Matapos niya ay lakas loob na kong nakiharap sa kanya at
usap. Social Sciences 3 and 4 ang naisipang kuhain
na subject this Summer Class. Para akong sinasampal sa tuwa ng
purihin ni Sir at pinalalakas niya ang loob ko kaya lalo pang umiigting ang
kilig. Kahit malabo mangyari ang aking iniisip, wish ko isa sa
mga subject ay maging Professor ito. Matapos
ay tumungo na ko sa Library kung nasaan sila Eloisa subalit
sila Mary na lamang ang nadatnan ko. Hindi pa kami kaagad
umalis pagkat hinihintay pa si Beatriz at maya-maya'y tumungo
na sa Canteen upang kumain. Habang siya ay hinihintay tamang
kwentuhan lamang kami.
8c-j. Sumapit na ang Ala-una pero wala pa rin siya at kung kailan paalis na
ay saka pa ito dumating. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya naisipan pang magtungo
kina Gelyn doon sa Tandang Sora. Bago tumuloy ay
tumungo muna ako sa Nothridge plaza sa National Bookstore at
nagbasa-basa. Medyo nawili ako sa pagbabasa kaya di namalayang Alas-kwatro na.
Pagkadako sa kanila, wala sina Gelyn at sina Ate Ajhing lamang
ang nadatnan ko. Wala naman akong makakwentuhan pagkat abala sila sa ginagawa
at bukod pa dun di ko sila gaanong close kaya di na ko
nagtagal pa. Sa nilayo-layo ng biyahe ay malapit ng sumapit ang Alas-sais ng
makarating sa bahay. Dahil kumakalam na ang bituka ay diretso kain na at
matapos ay manunuod ng telebisyon. Dakong Alas-onse at dahil mugto na ang mata
sa antok ay kaagad ng natulog.
April
06, 2016
Wednesday
Year IV-097
Wednesday
Year IV-097
8c-k. Tulad ng mga nakalipas na araw na walang pasok o pupuntahan ay dakong
Alas-otso na nagising ang katawang lupa ko. Pagbabantay agad sa tindahan ang
inatupag ko matapos mag-almusal. Habang naghihintay ng mga mamimili, paggamit
ng Facebook at Instagram ang naging libangan
ko. Kaso kapag tumutok ka na ng matagal sa Social Media, hindi
na mapipigilan kahit ayaw mo na. Sumunod at dahil may kadumihan muli sa loob ng
bahay ay pagwawalis at punas ang napagkaabalahan ko. Kapag nagagawa ito,
pakiramdam ko'y naipapakita ang silbi at bukod pa dun para mapatunayan sa
kanila na may maitutulong ako at wala ng masasabi. Malapit ng magtanghali at
dala na gutom na ang alaga sa Tiyan ay nananghalian na. Matapos kumain at
gawa na nababagot, pakikinig ng musika ang pampalipas oras ko at bilang
pampaantok na din. Hindi ko lamang maiwasang mairita pagkat may kabagalan
ang Internet at maya't maya ang buffering.
8c-l. Kinahapunan at ng bahagyang lumilim ay naisipan muling gumawi sa bahay
nina Shiela. Abala ito sa panonood ng telebisyon ng datnan ko,
nakinuod na din ako. Ilang sandali pa'y dumating na si Annie at Non-stop muli
sa tsikahan. Sarap manatili sa bahay nina Shiela pagkat
kahit maliit, malamig naman at tahimik pa. Maya-maya'y tumungo kami ni Annie sa Rooftop at
daming makikitang magaganda at magagarang kabahayan pagkat napapalibutan ang
aming kinatatayuan ng Subdivision. Bukod sa mahahalina ka ay
nakaka-inspire din pagkat mino-motivate ka na magsumikap pa lalo sa
buhay upang may marating at balang araw ay magkaroon din ng bahay na
kahuhumalingan ng makakakita. Sarap ng feeling kapag nasa
marangya kang pamumuhay at nakamit mo ang lahat ng iyon dahil sa naghirap ka at
nagtiyaga, di yung sa nandugas at nagnakaw pagkat sabihin nating mayaman ka
pero hindi naman masaya pagkat patuloy kang uusigin ng konsensiya at di ka
patatahimikin. Kaya ako kung sakaling magkakaroon ng ganyang kagarang bahay,
gusto ko pinaghihirapan hindi dinadaan sa panduruga.
8c-m. Habang naghihingalo ang liwanag ang unti-unting pagdami ng mga lumilipad
na Paniki at paghuli ng mga iyon ang libangan namin. Sa liksi nila sa paglipad,
pahirapan sa amin ang tamaan sila at nababalewala lamang ang paghampas pero
masaya at nakakaaliw. Nang tuluyan ng naghari ang dilim ay bumaba na kami.
Medyo napasarap ang kwentuhan namin kaya di namalayang Alas-otso na at
kailangan ko ng umuwi. Laking tuwa pagkat walang sumalubong na sermon sa aking
pag-uwi. Hindi pa ko makatulog kaya naisipan manuod ng telebisyon at kahit
lumalalim na ang gabi at himbing na sa pagtulog ang kasamahan ay di mapigilang
humalakhak ng malakas habang pinapanood ang Jane the Virgin. Malapit
na palang gumitna ang gabi kaya matapos ay inihimlay ko na ang sarili sa
higaan.
April
07, 2016
Thursday
Year IV-098
Thursday
Year IV-098
8c-n. Malakas na tugtog mula sa labas ang tumapos sa nahihimbing kong
pagtulog, may nangangampanya nanaman pala at kinakalampag ang simpatya ng taong
bayan na iboto siya kaya ang kapaligiran, balot muli sa kaingayan. Pagkabangon
ay paggawa ng panibagong kwento ang aking pinagkaabalahan. Kahit sumasakit
minsan ang ulo sa kakaisip ng pupwedeng takbo sa kwento ay nakakalibang at
napaglilinang pa lalo ang kakayahan mong maging Writer. Maya-maya
pa'y inutusan ako ni Mama at tumungo na sa Grocery upang
mamili ng paninda. Hindi ko lamang maiwasang ma-tense dahil daming
pinapabili at natatakot na magkamali. Sa layo ng nilakad ko at dami ng bitbit
ay magkandaubos ang taglay kong lakas. Nang makapagpahinga, gawaing bahay naman
ang sunod na pinagkaabalahan.
8c-o. Pagsapit ng tanghaling tapat ay pakiwaring iniihaw sa tindi ng init.
Hindi ko na makaya pa ang alinsangan at upang mabawasan ang nararanasang init,
naisipan kong maghalo-halo. Pagsapit ng hapon at dahil may kabagalan anginternet sa
bahay at nauubusan na ng pasensiya sa kakahintay, tumungo ako sa labas at
nagkumpyuter. Bago umuwi ay dumaan muna kina Aldrian upang
bawian sa kanya ang hiniram na aklat at upang manghiram na rin. Sa daldal kong
ito ay napasarap ang usapan namin kaya sa halip na saglit lamang ay napatagal pa
ko.
8c-p. Pagkagat ng gabi at
matapos maghapunan ay panonood muli ng telebisyon ang inatupag ko. Hindi na
pangkaraniwan ang epekto ng El Niño sa atin at malubha na
sapagkat bukod sa nagkabitak-bitak na ang lupa ay marami ng mga taong
naninirahan sa iba't ibang probinsya ang pinagdaraanan ang krisis sa Bigas at
kumakalam na ang sikmura. Dahil na naabutan ng tulong, nagkusa na silang
magsagawa ng Kilos protesta. Kung iisipin at kung nagtuloy-tuloy ang ganitong
kalamidad, malamang ay mas malala pa ang aabutin at iyon ay kakulangan sa lahat
ng pangangailangan tulad ng kakulangan sa pagkain, tubig at iba pa. Hindi pa ko
makatulog kaya naisipan ko muling magsulat ng kwento. Dakong Alas-onse na ng
mapagpasyahan kong matulog.
April
08, 2016
Friday
Year IV-099
Friday
Year IV-099
8c-q. Naghari na ang liwanag sa labas ng ako'y magising. Malapit na palang
pumatak ang ikawalo kaya di na nagpatumpik-tumpik pa sa pagbangon. Kaarawan ng
aking yumaong Lola Trining at di ko mapigilang malungkot sa
tuwing maalala ang kabutihang ipinakita niya nung bahay pa ito. Kapag nasa
probinsya ako at magkakasakit, siya ang nag-aalalaga sa akin at parati niya
kong nauutusan at napagkakatiwalaan sa lahat ng bagay. Nakakalungkot isipin na
ang lolang naging malapit sa aking loob, wala na. Sadya ngang hindi mo
makakayanan ang sakit oras na mawala ang taong malapit sa'yo lalong-lalo na ang
iyong magulang kaya hangga't humihinga pa sila ay iparamdam ang pagmamahal at
kung gaano sila kahalaga. Hindi natin masasabi kung kailan kukunin ng maykapal.
Matapos mag-almusal at maya-maya'y inutusan ako ni ina upang bumili ng paninda.
Ayaw ko sana pagkat tinatamad pero inuusig ng konsensiya kapag di sumunod,
bumili pa rin kahit labag sa kalooban.
8c-r. Bahagya akong nakaramdam ng pagod pagkabili ng mga paninda. Ilang
sandali at dahil walang magawa, naisipan kong maglaba. Sa dami ng dapat labhan
na malabundok na'y mukhang di makakayang tapusin pero nakaya ko pa rin, iba
talaga kapag inspired ka sa kanya. Dakong tanghaling tapat na
ng matapos sa paglalaba at pagsasampay. May pinuntahan si Mama at bilang
pampalipas oras ay ako muna ang nagbantay sa tindahan. Habang tutok ang mata sa
pagtitinda'y may lumapit sa akin na mga lalaki at inaalok na bilhin ang relo.
Hindi ko naman kailangan ng relo kaya tumanggi ako kaso ng ginawa iyon ay
walang hiyang niloko-loko. Akala nila'y natutuwa ako pero ang totoo'y napipikon
na, hindi na lamang sila pinansin.
8c-s. Karamihan talaga sa mga tao kapag walang pinag-aralan o di
nakapagtapos, walang alam ibang gawin kundi mang-trip ng kapwa
kapag walang magawa at ang lalakas pa man din ng mang-asar. Saka lamang
nakapag-siyesta pagkauwi ni Mama. Pagkagising ay naisipan kong
tumungo sa bahay nina Angelica. Saktong nadatnan ko siya pero hindi
rin ako nagtagal pagkat may isyu sa kanilang mag-ina at ayaw kong makisali,
tumungo muna kina Shiela. Pagkatungo sa kanila ay nadatnang abala
sa panonood ng telebisyon at parang nabuhayan ang loob pagkat nandun pa
si Annie. Sa saya'y inabot na ko ng gabi sa kanila at ang
masinsinang kwentuhan, nauwi sa tawanan at harutan at kahit mga dalaga't binata
na'y parang bumabalik sa pagkabata. Nandoon din sina Tantan kaya
lalo pang sumaya ang harutan at nakakaaliw silang kasama. Napasarap ang
kwentuhan kaya si namalayang sumapit na pala ang Alas-nuebe, kinailangan ko ng
magpaalam. Pagkauwi sa bahay at matapos manuod ng telebisyon, kaagad ng
tumulog.
April
09, 2016
Saturday
(Araw ng Kagitingan)
Year IV-100
Saturday
(Araw ng Kagitingan)
Year IV-100
8c-t. Gusto ko pa sanang matulog ng matagal subalit nasira na dahil sa
malakas na tugtog. Maliwanag na pala sa labas kaya bumangon na at nag-almusal.
Habang nag-aalmusal ay papalapit si Mama upang ilipat ang tugtog, biniro-biro
ko siya subalit sa halip na ito'y matuwa parang naimbyerna hanggang sa
makarinig ng mabibigat na salita. Iyan ang hirap sa kanya, hindi makuha sa biro
at sa totoo lang ay madaling uminit ang ulo nilang dalawa, si Ate at si Mama.
Minsan na nga lang ako magbiro at di naman siya bagong gising, nagawa pang
mapikon. Hindi ko na naiibigan ang salitang kanyang binibitawan kaya nagsagutan
muli kami. Kaliit na bagay, pinalalaki at lala kaya upang di na umabot sa ganon
ay umalis muna ng bahay. Hindi ko mawari kung bakit ang layo ng loob sa akin ni
Mama at parating napagsasalitaan, bagay na ikinasasama ng aking loob. Kina Shiela ako
nagtungo at mabuti na lamang, nandoon pa si Annie.
8c-u. May kakwentuhan muli ako. Sa masaya naming kwentuhan ay nawaglit na sa
isipan ang di kaaya-ayang salitang aking narinig. Ang masayang pag-uusap, nauwi
sa paninindak ng dibdib ng mapunta tungkol sa mga kababalaghan. Hindi ako
makapaniwala na nangyayari pala ang ganong bagay at kahit na sino, mahihirapang
paniwalaan at matatawa lang. Sa bilis ng oras, hindi namalayang Alas-dyis na.
Ibig ko pang manatili sa kanila pagkat doon ko na nahanap ang saya subalit
kumakalam na ang aking sikmura, kinailangan ko ng umuwi. Nanatili pa ring may
hinanakit sa loob at umiigting ito sa tuwing magkikita kami ni Mama kaya di
magawang kibuin ang isa't isa kahit malapit na. Isa pa sa kinaiinisan ko sa
kanya ay iyong mahilig magsabi na magaling lang raw sa layasan pero hindi
marunong tumulong samantalang bago ko gawin ang balak ay inuuna ko muna ang
gawaing bahay at araw-araw pa iyon. Bukod pa dun kapag nakikita kong nakatambak
ang plato'y agad-agad hinuhugasan tapos ganoon pa ang masasabi niya!
8c-v. Sa sobrang inis ko na malapit ng maging galit, matapos lumamon ay
nagwalis ako, pinunasan ang lahat-lahat ng kagamitan at naghugas. Kahit
magkandapagod na sa dami ng ginawa, nagawa ko pang linisin ang loob ng banyo at
matiyagang pinaputi at inalis ang lumot sa pader. Halos sumakit na nga ang
kamay sa kakakuskos, mapaputi lang. Sa aking mga ginawa ay tingnan ko
lang kung kulang pa iyon at may masasabi pa sila't subukan lang pagkat
isusumbat ko sa kanila iyon! Pagkatapos ay nagpahinga muna ako. Nang makalikom
kahit kaunting lakas, tumungo muli ako kina Annie. Walang maisipang
gawin na maaaring maging libangan kaya wala muli kaming humpay sa kwentuhan.
8c-w. Maya-maya pa'y kina Angelica naman ako tumungo at
nakipagtsikahan din. Kahit nakakapagod makipagtsikahan sa maghapon ay masaya
naman pagkat nailalahad ang ibig sabihin. Pagkatapos ay bumalik ako kina Annie at
kahit mga dalaga at binata na'y parang bumabalik sa pagkabata kung maglaro ng Ketchup at Bato-batopik.
Inabot na ko ng gabi ng mapagpasyahang umuwi. Pagkauwi ay pagkain agad nang
hapunan ang ginawa at matapos ay manuod ng telebisyon. Halos madurog at mahiwa
ang puso ko nang matunghayan ang kwento sa Magpakailanman ng isang babae na
ginahasa ng kanyang Ama, Tiyuhin at ninong at kay saklap ng kanyang
napagdaanan. Kaya pala ng mag-asawa nito'y ayaw magpagalaw sapagkat bumabalik
sa ala-ala ang bangungot ng kanyang nakaraan. Grabe at wasak na wasak ang
kanyang Virginity sa tatlong lalaking manyak. Matapos manuod
at sa pagod, kaagad ng natulog.
April 10, 2016
Sunday
Year IV-101
8c-x. Araw muli ng Linggo at nanatiling mugto pa ang mga mata sa antok
subalit kailangan ng bumangon sapagkat may lakad kami ngayon. Matapos kong
mag-aagahan, kaagad ng naghanda at nagbihis. Hindi muna ako umalis at hinintay
ang pagdaan nina Annie. Habang sila'y inaabangan at upang di
lamunin ng pagkabato, nagtinda ako. Sumapit na ang Alas-dyis, di pa rin sila
dumarating at iniisip na baka di na matutuloy ang aming lakad. Medyo nagutom na
din sa kakahintay kaya kumain na ko. Upang makasiguro sa iniisip, matapos mananghalian
ay tumungo na ko kina Shiela. Hindi pa pala nun sila nagbibihis at
ipinabatid sa akin na mamayang Ala-una pa raw sila gagayak. Gawa na nakabihis
na at dalawang oras na lamang ang hihintayin bago ang gayak, nanatili na ko sa
kanila. Walang ibang magawa kaya palitan ng kuro-kuro nilaAnnie. Sa
tindi ng nararanasang init ng panahon, muntikan ng sumakit ang ulo ko at
nakakatupok pa sa balat.
8c-y. Sa halip na Ala-una, sa sobrang dami ng dapat asikasuhin ay dakong
Alas-dos na ng kami'y makaalis at tumungo sa Marikina kung
saan nakaburol ang yumao nilang Lola at dati nakatira. Pagkadako doon ay
tumambad ang mga taong naglalamay at abala sa paglalaro ng baraha, ang ilan
nama'y sige sa paglagok ng alak at di man lamang inisip na may taong
nahihimlay. Sumaglit lamang kami sa burol ng kanilang Lola at tumungo na kung
saan naninirahan ang iba pa nilang kaanak. Pagkadako ng yapak ay mistulang may
nagaganap na Family Reunion ng mga Miano ng
magkatagpo-tagpo silang magkakamag-anak at nag-iyakan na nga sila. Kung
magyakapan at kamustahan sila, akala'y mahabang panahon ang lumipas bago
magkita at tila na-miss ng husto ang isa't isa. Nakakatuwa at
nakakainggit silang pagmasdan ng panahong iyon.
8c-z. Sana gaya din nila ang angkan namin na nagsasama-sama ang halos lahat
at nagbibigayan ng pagmamahal sa bawat isa lalong lalo na sa tuwing sasapit ang
mahahalaga't masasayang okasyon gaya ng Pasko. Ang saya sa pakiramdam kapag kumpleto
kayo at sama-sama. Halos mayanig na ang buong bahay sa ingay at di na din
makakilos ng maayos sa dami namin. Nandoon din sina Gelyn at
ang iba pa nitong kapatid at pinsan at nanatili muna kami sa taas ng bahay. Ang
saya at sarap nilang kapalitan ng kuro-kuro lalong lalo na ang pinsan nilang
si Melanie (Miano), sa tabas pa lamang nito ng pagsasalita ay
matalino at mukhang malayo ang mararating. Maya-maya pa'y nagsikainan na kami
at pagkatapos, buong angkan ng mga Miano ay tumungo na sa Burol ng
kanilang Lola at wala halos natira sa loob ng bahay.
8d-a. Habang naglalakad kami, biglang nasalubong ang mga bata na kung
magsama-sama, akala'y may binubuong kapatiran at tila di naturuan ng magandang
asal, paano kahit na sino ang masalubong nila ay walang hiyang pinagti-tripan
at minsan ay nambabato pa. Maging kami ay di nakaligtas sa sa kanila at sa inis
ay muntikan ng patulan. Sino-sino kaya ang magulang ng mga iyon at mukhang
napapabayaan na silang magpakalat-kalat sa lansangan at makagawa ng di
magagandang bagay.
Kung ako ang maging Mayor ng Marikina,
hindi magdadalawang isip na ipadampot ang mga kabataang walang ginawa kundi
mamerwisyo sa Lipunan at manghamak ng kapwa. Pagkarating sa mismong burol ay
kaagad ng naglaro ng baraha at kung kailan nalilibang-libang na'y saka naman
natigil ng dahil sa pamahiin. Dami talagang bagay na kahit mahirap paniwalaan
tulad ng pamahiin, pinaniniwalaan pa rin ng lubusan at ang weird ng
pagkakasabing kaakibat na mangyayari.
8d-b. Pagkagat ng gabi, kasama sina Melanie ay bumalik na
kami ng bahay. Kahit tingin ko ayos silang magpapamilya ay di pala kasundo
ni Melanie ang ilan nitong mga kapatid at parang ibang tao ang
tingin sa kanya. Naantig ang damdamin ko sa inilahad ni Melanie at
grabe pala ang kanyang pinagdadaanan. Nakikisimpatsa ang kalooban ko sa kanya
habang nagkukwento sapagkat katulad din ng sa akin na madalas ay napapagalitan
at pakiwaring ang layo ng loob sa akin kahit kapamilya nila. Napasarap ang
kwentuhan namin nila Melanie kaya di namamalayang sumapit
na ang Alas-otso. Bukas na ang simula ng aming Summer class kaya
kinailangan ng magpaalam sa kanila. Sana'y makabalik pa ko sa kanila. Kaagad
akong naghapunan pagkauwi at matapos ay maagang natulog. Goodluck sa
akin bukas sa mga bagong kamag-aral at Professor na
makikilala.
April 11, 2016
Monday
Year IV-102
8d-c. Ibig ko pang matulog at mahimlay sa kama ng matagal pero sumapit na ang
umaga at kailangan ng bumangon para sa muli kong pagpasok. Hindi ko lamang
maiwasang manibago sapagkat may pasok na at ang panahon na ito na dapat gugulin
sa pagbabakasyon ay mapupunta sa pag-aaral. Pinili ko ito kaya kailangang
panindigan at tapusin. Dakong Alas-nuebe na ng makarating ako sa paaralan.
Pagkapihit ng yapak ng silid ay sadyang kakaunti namin, nawawalan na tuloy ng
ganang pumasok at nakakabingi ang katahimikan. Di ko mapigilang mailang pagkat
puro taga-ibang kurso ang aking mga kamag-aral. Maya-maya pa'y pumasok na
ang professor para sa asignaturang Social Science 3 pero
ipinabatid nito na di siya ang aming professor kundi si Sir
Max at wala raw ito ngayon. Matapos niyang mag-anunsyo ay nagsulat na
kami sa attendance at lumabas. Sanay na kong mapag-isa pero
nakakalungkot naman kung walang kasama at kausap. Marahil sa aming
magkakaibigan ay ako lang bukod tanging kumukuha ng Summer Class.
8d-d. Pagkatungo ng Canteen at ang kaninang kalooban na
nalulumbay ay napalitan ng sigla ng masilayan sina Jep at sa
kanila muna ako nakisama. Pagkatapos ay umalis na kami at habang papasok ay
saktong nakasalubong naman sila Eric. Unti-unting umiigting ang
tuwa sapagkat natatagpuan na ang mga kaibigan. Akala ko, mapapanis na ang laway
pagkat kanina pa walang imik. Pagsapit ng Alas-onse ay itinigil ko na ang
pakikigkwentuhan sa kanila at pumasok na ng silid. Pagkapasok ay di ko akalain
na magiging kamag-aral muli si Jaimarri at dahil kami lamang
ang magkakilala sa klase, siya lang ang kahuntahan ko ng panahong wala pa
kaming professor.
8d-e. Ilang saglit pa ay pumasok na ang Professor at laking
gulat pagkat si Sir Marvin ang aming professor. Wala pa
ring pagbabago sa kanya pagkat batikano ito sa pagpapatawa at mistulang comedy
bar ang buong silid kapag siya ang nagtuturo. As usual,
panay halakhak nanaman kami na tila wala ng bukas at ang saya talaga ng klase
kapag siya ang guro. Sa halip na magturo ay nag-attendance lamang
kami at daming alam na kalokohan ni Sir sa tuwing magtatanong ito. Nang ako ang
matawag at dahil may pinagsamahan na kami bago pa ito, binigyan ako ni Sir ng
pagkakataon upang ipakilala ang sarili subalit di ko magawa ng maayos dahil sa
hiya. Dahil kinapos na sa oras, di lahat sa amin ay natawag at sa wakas, uwian
na rin. Habang naglalakad pauwi ay halos ikatupok na ang alinsangan ng panahon
at nakakaubos ng lakas, diretso siyesta ako pagdating ng bahay
at malapit ng magtakip-silim ng magising. Kinagabihan at dahil bagot na bagot
muli ang sarili, panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Dakong Alas-dyis na ng
mapagpasyahang matulog.
April 12, 2016
Tuesday
Year IV-103
8d-f. Dinig na ng dalawang magkabilang teynga ang tilaok ng mga manok, hudyat
na sumapit na ang umaga at kahit naghahari pa ang antok sa mga mata, kailangan
ko ng bumangon. Pagkatungo sa paaralan, diskusyon agad ng aking mga kamag-aral
ang nadatnan tungkol sa pagpili ng pangulo sa darating na eleksyon at ang sabi
nila, si Duterte raw ang karapatdapat na iluklok sa
Pagkapangulo dahil naiiba ang plataporma nito kumpara sa mga katunggali na
magpapabago sa takbo ng Pilipinas. Ayos naman ang Plataporma
ni Duterte na sugpuin ang lumalaganap na kriminalidad sa bansa sa
loob lamang raw ng anim na buwan ng kanyang panunungkulan sapagkat magiging
ligtas na tayo mula sa mga masasamang loob at ibabalik ang Death
penalty, kaso paano ang mga napagbintangan lamang at nahatulan dahil
mahirap at walang pambayad.
8d-g. Hindi naman marahil makatarungan iyon sapagkat maging mga inosente ay
mahahatulang mamatay oras na mapagbintangan. Isa pa at sa pagsasalita pa lamang
niya, balak niyang patayin ang Demokrasya sa Pilipinas at
maging diktador gaya ni Marcos, bagay na huwag naman sana mangyari.
Tingin ko, mali na siya ang susunod na maging Pangulo at sa lakas ng kanyang
hatak, saSurvey pa lamang, lumalaki ang tiyansang baka siya ang
hirangin. Wala na kong magagawa, dahil pulso iyon ng taong bayan pero di
nangangahulugan na tiyak na ang pagkapanalo niya. Tila solid Duterte ang
mga kausap ko kaya umayaw na sa pakikipagdebatehan at wala na kong pakialam
kung sino ang napupusuan nila. Ilang sandali pa, pumasok na si Sir Max at
tinalakay niya lamang ang tungkol sa paggawa ng term paper.
8d-h. Pagkatapos ay itinuro niya sa amin ang tungkol sa Pamahalaan ng bansa
at bukod sa mahusay magturo, ang lakas ng kanyang boses kaya maging sa likuran
ay dinig na dinig. Maya-maya pa'y lumabas na kami at tumungo na ng kabilang
silid. Mistulan muling Comedy bar ang klase ng pumasok
si Sir Marvin at sa tatlong beses na naging professor ito,
lumang tugtugin na sa akin ang mga pahirit nitong jokes kaya
wala ng dating para matawa ako at isa pa, di na din nakakatuwa sapagkat ang
ilan sa mga biro nito, below the belt. Tila nagdadalawang isip na
kung ida-drop ba ang subject na ito sapagkat tila
wala naman matutuhan sa kanya kundi kalokohan. Ang lakas pa man din mang-tripkaya
ang lakas makabwisit. Sa totoo lang ay dapat nagkomedyante na lamang siya sa
halip na guro sapagkat tila dinaig niya pa sina Vice Ganda, Ai
Ai Delas Alas at Dolphy sa pagpapatawa.
8d-i. Sadyang napakakulit ni Sir kung ito ay magturo kaya di na din
mapigilang tumawa. Sa sobrang tawa ko, inatake na tuloy ng hika at biglang
sumikip ang dibdib.
Mabuti na lamang at may baong inhaler kaya di naman
natigok at hihikain talaga ako sa kanya. Umayos naman ang aking paghinga bago
ang uwian at sa init ng panahon, kahit tinamaan ng hika kanina ay naligo pa rin
ako. Maging sa pagsapit ng gabi at dama pa rin ang mainit na panahon at tila
wala na itong katapusan. Dahil magkakaroon kami ng oral recitation bukas
sa Social Science 3 ay nagkabisado ako ng preamble ng
Saligang Batas. Sa dami ay tila nakakatamad kabisaduhin at mukhang puputok na
ang utak pero nakaya naman. Pagkatapos at dahil di pa dinadapuan ng antok, nag-soundtrip muna
ako. Saka lamang napagpasyahang matulog kung kailan mugto na ang mata.
April 13, 2016
Wednesday
Year IV-104
8d-j. Inagahan ko sa paggising sapagkat may isa pang subject na
ie-enroll at iyon ay Industrial Psychology.
Pagkatungtong ng paaralan, mistulang ghostownang buong campus pagkat
manakanaka lamang ang dating ng mga estudyante at kumpara nitong mga nakalipas
na araw ay di naman ganun kakaunti. Palaisipan sa akin kung ano ang kaganapan o
baka naman sadyang maaga pa para magsipagpasok ang mga estudyante. Saktong
naabutan ko pa si Ma'am Ria pagkadako ng silid at kaagad itong
kinausap. Hindi naman nangyari ang aking inaasahan gaya ng nangyari nung
nakaraan at sa katunayan, mabilis pa sa guhit ng kidlat ang pagpayag na
tanggapin ako sa kanyang klase subalit sinabi nito na kay Sir Juangco ako
maaaring magpa-enroll. Sadyang napakabukal ng kalooban ni Sir
Juangco sapagkat sinamahan pa niya ko saDean's Registrar office upang
mag-enroll. Bukod sa mabait, nakakatuwa din itong kausap pagkat palabiro
at mapagkumbaba pa.
8d-k. Sana maging professor ito sa mga susunod ko pang
asignatura at pagbubutihan ko talaga ang pag-aaral kapag siya. Matapos ang
ilang proseso, natutuwa ako sapagkat oficially enrolled na sa Industrial Psychology. Sabi nga sa akin
ni Sir Jigo, kaya ko ito at kahit tatlo na ang subject na
pinapasukan, kakayanin kung determinado talagang makapagtapos. Goodluck
sa mga struggle na maaari kong kaharapin at sa katarayan
ni Ma'am Ria. Nang makapag-enroll ay pumasok na ko ng
silid. Sa oras ng Social Science 3, nagsimula na ang oral
recitation kaya ang kabang kagabi pa nararanasan, lalo pang sumidhi
subalit nakapag-recite naman ako ng maayos at ang gaan sa
pakiramdam.
8d-l. Matapos ay nagturo na si Sir Max. Kahit bibihira lamang
magpatawa sa amin si Sir, marami naman matutuhang bagay na maaaring makatulong,
di lamang sa pag-aaral kundi sa pang-araw-araw na pamumuhay kaysa kengkoy nga
humarap, puro kalokohan naman ang maaani mula sa kanya sa halip na bagong
kaalaman. Bukod pa dun ay pwede ng pumasok sa Politika si Sir Max dahil
dami niyang nalalaman hinggil dun at mahusay at malinaw siyang magsalita, lahat
may punto at bet na bet ko siya kung tatakbo
ito. Kalagitnaan ng kanyang pagtuturo, biglang nanakit ang aking sikmura. Marahil ay gutom
lamang ito kaya kumain muna ako bago magsimula ang klase sa susunod na
asignatura ngunit di natanggal ang sakit.
8d-m. Wala akong ginawa kundi tiisin ang sakit at tila may hangin na
paulit-ulit na umiikot sa loob ng tiyan. Ilang sandali pa, pumasok na si Mr.
Comedy showman at wala nanaman humpay ang bibig sa paghagalpak ng
malakas. Sila na tila ito na ang huling araw kung makahalakhak samantala ako na
patuloy iniinda ang pananakit ng Tiyan. Tungkol sa buhay ng ating pambansang
bayani na si Jose Rizal ang tinalakay sa amin ni Sir Marvin subalit di lahat, naituro
niya pagkat puro patawa at bawat jokes, panalo at patok na patok sa
aming tagapakinig lalo na nung magtula ito. Makalipas ang ilang saglit, sa
wakas uwian na rin at sa tindi ng gutom ay napalantak ako ng dami pagdating sa
sariling tahanan. Bahagya naman naibsan ang pananakit ng sikmura pagpatak ng
hapon at dahil nababato, naisipan kong tumungo sa bahay nina Cathy. Abala ito sa
kanyang ginagawa ng datnan ko at kahit paano, naging masarap at masaya ang
kwentuhan namin sa kabila na may ginagawa. Malapit na din kumagat ang gabi kaya
namaalam na sa kanila. Sa bahay naman nina Angelica ako sunod na
tumungo subalit may stretching moments sila ni Rachid at
hindi ko ibig ang makaabala kaya di na din gaanong nagtagal. Nang tuluyang
sumapit ang gabi, sarap buhay muli sa panonood ng telebisyon at matapos ay
diretso na sa pagtulog.
April 14, 2016
Thursday
Year IV-105
8d-n. Napasarap ang aking tulog kaya pumatak na ang Alas-sais ng ako magising
at bumangon. Bago tumungo ng silid ay nagpa-develop muna ako ng
litrato. Naiinip na ko sa kakahintay pagkat ang tagal. Alas-siete y medya na at
dahil mahuhuli na ko sa pagpasok, hindi ko na nahintay pa. Pagkapasok ng silid
ay naroroon na si Ma'am Ria at nagtuturo. Sumisigla talaga ang
araw kapag si Ma'am Ria ang nagtuturo at nakakatanggal pa ng stress.
Kung ito ay magturo ay para lamang tsumitsika at aakalaing bakla na may matres
pagkat pabaloso kung magsalita. Pwede na nga siyang maging DJ sa
radyo o talbugan si Kris Aquino sa talk show pagkat
napakatsikadora at di nauubusan ng kwento o sasabihin.
8d-o. Dahil Industrial, tungkol sa pagtatatrabaho ang itinuro sa
amin ni Ma'am at sa kanyang mga sinasabi, tila marami ng naging karanasan
bilang HR Manager at practical sa kanya ang
humanap ng mapapasukan.
Pagkatapos ay tumungo na ko sa kabilang silid. Sa oras ng Social
Science 3, nagturo lamang sa amin si Sir Max tungkol sa
Saligang batas ng Pilipinas.Psychology student kami
subalit mistulang Lawyer dahil puro mga batas ang
pinag-aaralan. Sa totoo lamang ay di pala biro ang kumuha ng abogasya pagkat
daming batas na kailangang sauluhin at mas mahirap ito kung ikukumpara sa
kursong kinukuha namin. Bukod pa dun ay matagal pagkat walong taon ang bubunuin
bago makapagtapos. Kahit mahirap sa dami ng probisyon na nasa ilalim nito,
masarap naman pag-aralan at marami kang matutuhan.
8d-p. Sa oras naman ng sumunod na asignatura, nanood lamang kami ng Film ni
para sa Rizal. Sa unang bahagi, nakakaaliw panoorin at di mapigilan
ang tumawa subalit nawala na ang sigla pagdating sa kalagitnaan at nakakaantok,
kaya di maiwasang maidlip at ibig ko na ngang umuwi. Maya-maya pa, sa
wakas at uwian na din at kung kailan nakasakay ng dyip, doon ko bigla naalala
na di pa pala nakukuha ang ipina-develop na litrato, dali-dali
akong bumaba at tumungo pabalik ng eskwela. Sa tindi ng aking naranasang pagod,
diretso Siyesta ako pagkauwi. Kinagabihan at dahil may maikling
pagsusulit kami sa Social Science 3, isinantabi ko muna ang panonood ng
telebisyon at nagrepaso. Matapos magrepaso at dahil maaga pa magigising bukas,
kaagad ng natulog.
April 15, 2016
Friday
Year IV-106
8d-q. Anong hirap idilat ang mga mata kung patuloy pang namamayani ang antok
sa buong pagkatao pero nilabanan ko alang-alang sa pagpasok. Ang bilis talaga
ng takbo ng panahon at di akalain na Biyernes na. Pagdating sa Unibersidad,
nadatnang tsumitsika na si tsikadorang bakla Ma'am Ria at
hanggang ngayon ay paboloso talaga itong magsalita at nakakaaliw magturo. Bukod
pa dun ay dami niyang alam sa pasikot-sikot ng mga trabaho at talagang sanay na
sanay na. Matapos niyang magturo, nagkaroon kami ng activity at
iyon ay gumawa ng rejection letter. Hindi biro ang gumawa niyon
sapagkat kailangan pormal at pulido ang pagkakasulat at bukod pa ay di
kakikitaan ng grammatical error para di nakakahiya sa
mambabasa. Pulpol pa naman ako pagdating sa English at
bengkong-bengkong ang mga grammar kaya bahala na. Ang hirap mag-isip ng
sasabihin kaya halos matagalan sa pagsusulat at dahil napakaikli lamang na
ibinigay na oras, halos ma-pressure na sa paggawa.
8d-r. Maya-maya pa'y umalis na si Ma'am Ria at ipinasa na
ang gawang rejection letter. Habang wala pa si Sir Max at
sa halip na makipagdaldalan ay pagrerepaso ang inatupag ko. Ilang sandali pa ng
ito ay dumating at laking tuwa naming lahat ng ianunsyo na di matutuloy ang
pagsusulit ngayon at magtuturo lamang siya. Tungkol sa National
territory ang itinuro sa amin ni Sir at sa kanyang mga ikinukwento,
sadyang sakim ang China sa pagkamkam ng teritoryo o isla na di
naman sa kanila at sana matuldukan na ang isyu tungkol sa agawan ng teritoryo
sa West Philippine Sea na matagal ng pinag-uusapan at
magkaroon ng kasunduan na maglalayon na ang atin ay atin at sa kanila ay sa
kanila at walang lamangan. Wala naman gagawin sa Social Science 4 kundi
manonood ng film at dahil tinatamad ng pumasok, pagkatapos ng
klase ay umuwi na ko.
8d-s. Pagkarating ng bahay ay agaran akong nagpahinga. Pagkagising at dala na
kumakalam ang sikmura, nagmeryenda muna ako. Habang nagmemeryenda, muli nanaman
nabungangaan ni Mama. Hindi ko na nga siya iniintindi pa at nananahimik na
lamang, pero sadyang matatalim at di kaaya-aya ang mga salitang nabibitawan
nito at panay halungkat at hanap ng mali sa akin. Napikon na ko kaya muli ay
nagsagutan kami at parang nag-aagawan lang sa iisang lalaki at nagsasabong na
manok kung magtalakan. Hindi ko mawari sa kanya kung bakit dumadalas ng
sumpungin ng init ng ulo at kahit unawain, nauubos din. Kinalaunan ay humupa
naman ang bangayan namin mag-ina at parang wala lang nangyari. Kinagabihan at
dahil walang magawa, panonood ng telebisyon ang inatupag ko, matapos ay natulog
na.
April 16, 2016
Saturday
Year IV-107
8d-t. Sa wakas, Sabado na at walang pasok kaya tinanghali na ko ng gising.
Matapos mag-almusal ay sinimulan ko ng gawin ang takdang-aralin sa Social
Science 3. Labis akong naging abala sa paggawa ng takdang aralin kaya di
namamalayan ang oras at Alas-dyis na pala. Dahil sa sipag at pagkukumahog,
natapos ko naman ito bago sumapit ang tanghaling tapat. Kanina ko pa
nararamdaman ang pagkalam ng sikmura kaya ng maluto ang kakainin, maaga pa sa
Alas-kwatro ang pagtungo sa mesa upang kumain. Pagsapit ng hapon at dahil
walang magawa, naisipang tumungo sa Taas at nagkumpyuter. Nahumaling ako sa
paggamit ng Facebook at panonood ng Youtube kaya
di namalayang malapit ng gumabi at kailangan ko ng umalis. Pagkauwi, laking
gulat ko kung bakit nakabihis na sila Mama. Iyon pala'y ililibre kami ng ate ng
pang-dinner sa restaurant at sa tuwa at sabik ay
dinalian ko na sa pagbibihis.
8d-u. Naging napakabigat at usad pagong ang daloy ng trapiko sa lansangan
kaya sa halip na wala pa sa oras ay halos dalawang oras na bago kami nakarating
sa UP Town Mall, lugar kung saan kami maghahapunan. Bawat taong aming
makakasalubong ay di maiwasang bigkasin ang katagang Wow sapagkat
kadidisente ng kasuotan mula taas hanggang talampakan at tila mahihiya kang
makisalamuha sa kanila kung simple lamang manamit at di bongga o susyalin ang
dating. Maging mga bilihin at mga kagamitang nakatanghal sa bawat departamento
ay doon lamang makikita at di abot kaya ng bulsa maliban na lang kung mapera
ka.
8d-v. Pakiramdam ko, ang yaman-yaman namin kahit payak at simple lang ang
pamumuhay. Ilang saglit pa, nakarating na kami sa Restaurant na
sinasabi ng ate at tamang kuhaan muna ng litrato sa isa't isa habang niluluto
ang putaheng aming inorder.
Maya-maya pa at ng inihain na, let's ready to rumble na
kami sa paglantak ng putahe at di mapigilan ang bibig na matakam. Minsan lang
dumating ang ganitong pagkakataon kaya sinunggaban ko na ang pagbanat at di
ininda kahit sumasakit na ang singaw. Labis akong nabusog sa dami ng kinain at
isa ang araw na ito sa di malilimutan. Halos di na nga makatayo at naghalo-halo
na sa tiyan ang kinaing iba't ibang putahe na ngayon lamang nalasap.
8d-w. Matapos kumain at dahil pagod at mga busog na, sa halip na mamasyal ay
umuwi na kami. Diretso agad sa panonood ng telebisyon pagkarating sa bahay at
ang ganda at makapukaw damdamin ang natunghayang kwento sa Magpakailanman sapagkat
tungkol iyon sa isang bata na may Autism at gaya din siya ng
aking kapatid subalit mas malala sa kanya at basta-basta na lamang lumalabas ng
bahay kapag di binabantayan lalo na kapag gabi kaya bantay-sarado ang pamilya
nito sa kanya at magdamag bukas ang mata. Hanggang sa dumating ang panahon na
tuluyan na itong nawala at isang taon din nawalay sa kanila. Pasalamat na
lamang talaga kami sapagkat di ganun ang kapatid ko kahit minsan ay nakakairita
na kapag ito'y maingay. Sumapit na pala ang Alas-onse ng matapos ang palabas
kaya kaagad ng natulog.
April 17, 2016
Sunday
Year IV-108
8d-x. Sumiklab na ang liwanag sa kalawakan ng ako'y magising at maingay na
din sa labas kaya bumangon na. Matapos mag-almusal, gawaing bahay ang siya kong
pinagkaabalahan at sinigurong malinis ang bawat sa kasulok-sulukan ng sahig.
Maya-maya, bigla akong inutusan ng ate na bumili ng Doughnut at
kahit may kalayuan kung panlaman Tiyan din naman ay pumayag na ko. Wala sa Batasan
Batoda Terminal ang ipinapabiling Doughnut ng ate
kaya tumungo pa ng Ever Gotesco Mall sa pamamagitan ng
paglalakad kahit tirik na tirik ng husto ang haring araw at pawisan ng
nakarating doon. Saktong may nahanap ako kaya di lumayo pa, gutom at pagod ang
inabot ko pagdating ng bahay at saktong may naluto ng ulam kaya kaagad ng
tsumibog ng husay.
8d-y. Kinahapunan at dahil may pasok nanaman kinabukasan, pamamalantsa ng
uniporme ang inatupag ko. Sa dami at idagdag pa ang nararanasang alinsangan ng
panahon ay pinagpawisan ako ng todo at halos abutin ng dalawang oras bago
maplantsa ang lahat ng uniporme. Ilang saglit pa at dahil nababagot, paggawa
naman ng kwento ang sunod na inatupag at iyon lamang ang pinagkaabalahan
hanggang sa gumabi. Minamalas lamang ng lagay sapagkat nawawala ang aking
Selepono at di malaman kung saan iniligay. Hinalughog ko na kung saan-saan
subalit di pa rin masumpungan. Iyan talaga ang hirap sa taong saksakan ng
burara, parating nawawalhan ng gamit. Hindi tuloy makatulog ng maayos sapagkat
patuloy na inaalala ang nawawalang Cellphone.
April 18, 2016
Monday
Year IV-109
8d-z. Tila nabunutan ng tinik sa lalamunan at guminhawa ang paghinga ng
ipabatid ni Mama na nasa bag pala ni Papa ang aking Cellphone.
Kaya pala di mahanap kagabi, nadala niya pala. May kasiglahan at nag-uumapaw na
saya akong pumasok ng Paaralan. Sana ganito parati ang pakiramdam upang sa
ganon ay ganahan sa pagpasok. Saktong nagtuturo na si Ma'am Ria pagkadako
ng yapak sa silid at ganoon pa din, mas marami siyang baon na tsika sa amin sa
halip na magturo at sa dami ng alam ni Ma'am, mukhang makakatulong ito kapag
maghahanap na ng trabaho. Matapos tsumika at ng may nalalabi pang oras ay muli
kaming binigyan ng Activity at si Beatriz ang
naging katuwang ko. Habang may oras ay pinag-usapan namin kung ano ang gagawin
subalit di din natapos sapagkat kinapos na sa oras at magkasamang nagtungo
sa Testing Room upang kuhain ang activity ng Rejection
letter.
8e-a. Hindi ikinalugod ng aking loob ang nakuhang resulta sapagkat ang baba
at nakakapanghina, hindi ko rin naibigan ang naging komento ni Ma'am
Ria, pero ganoon talaga at kailangang tanggapin ang katotohanan kahit di
kaaya-aya para sa'yo.
Pagkatapos ay tumungo na ko ng ibang silid at magkakaroon pala kami ng
maikling pagsusulit sa Social Science 3 subalit huli na upang
makapagrepaso pa at pagpasok pa lamang ni Sir Max ay kaagad ng
nagsimula. Hindi naman naging mahirap ang pagsusulit sapagkat Stock
knowledge at ng maiwasto, napalitan ng galak ang kaninang loob na
nalulugmok sa pagkadismaya sapagkat may katayugan ang aking nakuha. Pagkatapos
ay nakapagturo pa si Sir hinggil sa Saligang Batas.
8e-b. Maya-maya at ang seryoso't
matinong pagtuturo, nauwi sa tawanan ng magkwento ito tungkol sa mga Modus
operande at sa panahon ngayon, kailangan ng ibayong ingat at mapanuri upang di
magoyo ng masasamang loob.
Pagkatapos ay dumako na kami sa kabilang silid. Nanganagalahati na ang
oras subalit di pa dumarating si Sir Marvin at darating na sa
puntong ibig na namin umalis sapagkat wala naman napapala pero bigla itong
dumating at nakapagturo subalit saglit lamang at iyon, nagpakwela nanaman. Ilang
sandali pa ay uwian na at sa halip na umuwi na'y tumungo pa ko ng silid kung
saan nagklaklase si Beatriz subalit wala na ito ng aking
datnan.
8e-c. Tumungo ako sa kanyang Dorm, nagbabakasakaling naroroon
siya. Sa halip na siya ay mga Lolo't Lola nito ang nadatnan ko at pamilyar ang
mukha nila sa akin at parang nagkita na kaya di naman natakot o nailang na
pumsok. Habang hinihintay si Beatriz ay nakipagkwentuhan muna sa
kanila at nakakatuwa naman sila maging Grand parents pagkat
mahal na mahal ang kanilang apo at parang anak na din ang turing, nakakakurot
sa damdamin. Makalipas ang isang oras, sa wakas at nakauwi na din si Beatriz at
kami ay nag-usap. Matapos ay umalis na ko at pagkauwi, sinimulan ko ng gumawa
ng Advertisement at ito ay di biro. Halos ma-stress ako
sa paggawa niyon. Malapit ng gumabi ng sa wakas ay natapos ko na din.
April 19, 2016
Tuesday
Year IV-110
8e-d. Nagbabadya ng sumikat ang haring araw sa labas ng magising ang katawang
lupa at kaagad na nag-agahan. Sa sobrang sabik ko, napaaga ang aking pagpasok
at saktong wala pa si Ma'am Ria pagkatungo ng silid. Ilang
sandali pa'y naririyan na ang kanyang presensiya. Isa-isa niyang tiningnan at
binasa ang ginawa naming Advertisement paper at ng sa akin na,
dinaga ng husto sa hiya at muntikan ng mapawiwi. Ayos na sana kaso nagkaroon
lamang ng mintis pagdating sa Job qualification, hindi nanaman
katayugang marka ang nakuha ko. Nang matingnan ni Ma'am ang lahat, saka lamang
ito nakapagturo. Tungkol sa Misconduct behaviour ang itinuro
niya sa amin. Bago ang Disimissal time ay nagkaroon nanaman
kami ng activity at iyon ay mag-isip ng ten Misconduct behaviour with five offenses at sa halos
tatlumpung minuto kami nagpulong-pulong, tatlo pa lamang ang naiisip at ang
hirap.
8e-e. Halos ma-drain na ang utak ko sa kakaisip ng maaring punishment sa
mga offenses at kailangan appropriate sa
kada misconduct behaviour. Grabe si Ma'am Ria,
sadista at mukhang pinahihirapan niya kami. Wala ng oras kaya hindi na namin
napag-usapan at naipagpatuloy ang paggawa ngactivity. Sa oras ng Social
Science 3, nagturo lamang sa amin si Sir Max tungkol sa State
policies. Maagang natapos si Sir sa pagtuturo at dahil may natitira pang
oras bago ang susunod na asignatura, nanatili muna sa loob ng silid st
nagkwentuhan. Sarap kakwentuhan nila Mica at may sense kausap,
bukod pa dun ay nakakalibang at tila sila na ang bago kong kaibigan, sana nga.
Ilang sandali pa'y lumipat na kami ng kabilang silid. Dahil magkakaroon ng Group
presentation bukas, habang wala pa si Sir Marvin ay
pinaghandaan at pinag-usapan na ang gagawin at kami ay naging abala. Samantala
ako ay nagtalaga naman sa bawat kamiyembro kung ano ang magiging gampanin nila
at talagang planado.
8e-f. Isang oras na ang nakakaraan, hindi pa pumapasok si Sir at mukhang
malabo na itong dumating kaya kanya-kanya na kami sa paglabas. Pagkasakay
sa UV Express, nakaranas ako ng pagiging out of place,
paano ay puro magkakakilala ang kasamahang mga pasahero at ang ingay pa. Sa
lakas ng boses at lapit na din, dinig na dinig ko na kung ano ang pinag-uusapan
at ako lang bukod tanging tahimik at walang kausap. Ibig ko na ngang bumaba
sapagkat nahihiya ng makihalubilo sa kanila.
8e-g. Ayaw na ayaw ko na lalagay sa isang lugar na sila-sila lamang ang
magkakakilala sapagkat ang dating, para akong others at sampid
lang sa kanila. Tila nakawala ako sa kahihiyang nakagapos sa aking sarili
pagkababa at kaagad na nagpahinga pagdating ng bahay. Kinagabihan at dahil hindi pa
dinadalaw ng antok, nanood ako ng Presidential Debate at sa limang
kandidatong tumatakbo sa pagkapangulo, nagliliyab ang palitan ng suwehesyon at
batuhan ng kanyang-kanyang baho sa isa't isa. Lalo pang umatikabo ang debatehan
ng sina Grace Poe at Binay na ang magtapat at
tila magsasapakan na ang dalawa ang habang dinidepensahan ang pasaring ng isa
at ayaw paawat. Ang ganda sana ng debate at nakakatulong ito para
makapagdesisyon ng maayos sa pagpili ng iboboto, kaso di ko na natapos pa
pagkat lumalalim na ang gabi at kailangan ng matulog.
April 20, 2016
Wednesday
Year IV-111
8e-h. Isa talaga ang antok sa matinding kalaban ng mga estudyanteng papasok
sa eskwela tuwing umaga. Kahit bitin para sa akin ang pagtulog at
pupungas-pungas pa, hindi ako nagpanaig sa katamaran at kaagad ng bumangon.
Pagkarating sa paaralan, di pa nadadatnan si Ma'am Ria pero
ilang sandali na lamang ang nakakaraan ng dumating ito at nagsimula ang
aming presentation para sa ginawang Misconduct Behaviour.
Kaming dalawa ni Beatriz ang naunang sumalang at nakakatawa
sapagkat sa halip na applicable sa mga empleyado ang
ginawang Misconduct Behaviour at dahil School
Setting ay para sa mga estudyante. Ang tanga-tanga naman at
nakalimutan naming maisip iyon, mapayuko ako ng labis sa tindi ng nararanasang
hiya at ano ba ito, parati na lamang pumapalpak. Dahil sa pagkadismaya,
pagkatapos ay lumabas muna ako upang magnilay-nilay.
8e-i. Ano bang nangyayari sa 'kin, bakit nagkakaganito at sa bawat ikilos,
parating palyado at halos ma-down ako ng panahong iyon at labis na
sinisisi ang sarili. Sabi nga nila, hangga't may buhay, may pag-asa kaya kahit
parating nagkakamali, hindi ako hihinto at magpapatuloy pa rin. Try and
try until you succeded and don't be scared if you did a mistake at
bigla akong natauhan ng sumagi iyon sa isipan. Pagkabalik ng silid ay saktong
nagtuturo na si Ma'am at ang kaninang mukhang halos malukot sa panghihinayang
ay napalitan ng sigla pagkat nakakaaliw magturo si Ma'am at daming kwinikwento.
Matapos ay nagkaroon muli kami ng activity at iyon ay gumawa
ng Warning at Suspension Letter. Masusubukan
nanaman ang utak ko sa pag-iisip ng sasabihin at halos ma-stress na
sapagkat kailangan ay Pormal muli ang pagkakasulat at pulido ang grammar,
mahina pa naman ang kukote para diyan kaya labis akong nahihirapan at madalas
ay nagbubura.
8e-j. Nadagdagan ang Stressful feeling ko ng biglang pumasok
si Sir Barrion at ang sweet niya pagkat niregaluhan si Ma'am.
Si Ma'am Ria naman, kita sa mukha na kinikilig at bagay silang
dalawa sapagkat parehong stress magpagawa at pasakit sa mga
estudyante. Nawala na tuloy ako
sa konsentrasyon magmula ng pumasok si Sir. Ilang sandali pa, dismissal
time na at sa oras ng Social Science 3, tungkol naman saBill
of Rights ang itinuro sa amin ni Sir Max. Maya-maya,
biglang may isa akong kamag-aral ang napakwento at lahat ng atensyon namin,
nakuha niya at grabe pala ang mga pulis sa kanila, ginagamit ang sariling
posisyon para makangotong. Dapat sa mga pulis na gaya nila, sinisibak sa
Serbisyo upang di na makangikil pa.
8e-k. Sa oras naman ng Social Science 4, hindi nanaman pumasok
si Sir Marvin at dahil presentasyon na bukas, inasikaso namin ang
pagguhit ng napakalakingWorld map sa Manila Paper at
hindi biro ang mag-drawing sapagkat masyadong detelyado at hirap
gayahin kahit kaunti. Samantala ang iba naman sa kagrupo ko ay abala sa
paggupit ng litrato at habang aligaga kami ay biglang pumasok si Sir Marvin subalit
nag-anunsyo lamang ito. Matapos niyang magsalita ay nagsilabasan na kami.
Kinahapunan, paggawa ng takdang aralin sa Social Science 3 ang
aking pinagkaabalahan at isang oras ng naghahalungkat ng dyaryo, wala pa ring
makitang balita na may kaugnayan sa bawat Seksyon ng batas na napili at anong
hirap. Gawa na wala naman makita, dumating na sa puntong tinamad na ko at
bahala na bukas. Pagkagat naman ng gabi at gaya ng nakagawian, panonood muli ng
telebisyon ang inatupag ko. Maya-maya pa at kahit di pa dama ang antok, natulog
na ko.
April 21, 2016
Thursday
Year IV-112
8e-l. Papaakyat pa lamang ang bukangliwayway ng ako ay magising at dala na
naparam na ang antok ay di na pahirapan sa akin ang bumangon. Saktong naroon na
si Ma'am Ria pagkadako ng yapak sa Paaralan at isa-isang
binabasa ang gawang letter. Nang sa akin na'y muli nanaman yumakap
sa buo kong katawan ang hiya at darating na sa puntong ibig munang lumabas pero
di ko na nagawa at hindi muli kagandahan ang naging komento sa akin ni Ma'am at
daming kakikitaang mintis. Nang mabasa niyang lahat at pagkabalik, ikinahina ko
ang natamong marka pagkat napakababa at naku, kailangan ng bumawi sapagkat
napipisil na babagsak ako kapag nagpatuloy ito. Palibhasa kasi kahapon,
dumating si Sir Barrion kaya nawala sa sasabihin at nagulo na
ang mga grammar. Kung si Sir Jigo lang ang pumasok
ay magkakaroon ng dahilan upang mas lalo pang pag-igihan ang ginagawa at di
sana ay pasado ako ngayon. Nai-stress talaga ako kapag nasisilayan
ang pagmumukha ng Sir Barrion na iyan.
8e-m. Matapos tsumika ni tsikadorang bakla na tila pagkarami-rami, inanunsyo
niya na magkakaroon kami ng maikling pagsusulit bukas. Sa oras ng Social
Science 3, nagturo lamang si Sir Max at ng matapos
magturo at may nalalabi pang oras, oral recitation na at hindi pa naman
nakapagrepaso kaya ang kaba, muling humaplos sa aking dibdib. Para namang
bulang naglaho ang kaba at pumalit ang ginhawa ng di matawag ni Sir pagkat
kinapos na sa oras. Nang sumunod na asignatura at himala pagkat ang aga pumasok
ni Sir Marvin at sa halip magturo ito ay binigyan niya lamang
kami ng oras para gumawa at paghandaan ang group presentation.
Habang abala ang iba sa paggawa at sarap buhay naman si Sir sa pagsa-soundtrip ay
kwentuhan kami nila Jaimarri at ang iba pa nitong kaibigan at dami
nilang alam kapag tungkol sa libog ang napag-uusapan.
8e-n. Virgin pa ko kaya di maunawaan ang mga sinasabi nila at di
mapigilang humagalpak kapag nababanggit ang maseselang salita. Sa edad pa
lamang nila na tila mura-mura pa, tila naranasan ng magulungan, mapatungan at
matikman ang pag-aari ng kalaguyo at di ko ma-imagine habang
nagkukwento sila. Dami ko din natutuhan sa kanila tungkol sa Sex at
kahit mature na mag-isip, di pa rin maiwasang mag-react.
Sa sarap at saya ng aming usapan, uwian na pala. Pagdating ng bahay at dahil
kaarawan ngayon ng aking butihing ama, manlaki ng sobra ang mga mata ng
makitang may nakahain sa mesa at sabik na sabik na ang bibig na namnamin.
8e-o. Spaghetti, Palabok at Fried Chicken, iyon ang naging
pananghalian at swak na swak sa kaninang kumakalam na sikmura. Sa dami ng
nakain, labis ang aking pagkabusog at muntikan ng mabundat. Pagsapit ng hapon
at dahil nuknukan sa bagal ang Internet ay tumungo pa ng Computer
shop upang gumawa ng assignment at mag-research.
Higit dalawang oras din babad ang mata sa Monitor kaya halos
mag-andap-andap ang paningin. Dahil magkakaroon kami ng quiz bukas
sa Industrial Psychology ay nagrepaso ako. Inabot na ng gabi
sa pagsusunog-kilay at kahit kailan talaga, marupok ang aking kukote, paano
wala man lang ni isang impormasyon ang pumapasok at sumasakit lang ulo kapag
pilit inaalala, paano na ko bukas at bahala na. Nang dalawin ng antok, natulog
na ko.
April 22, 2016
Friday
Year IV-113
8e-p. Nahihirapan pang imulat ang mga mata gawa na namamayani pa rin ang
antok pero kailangan ng awatin ang sarili sa kama at bumangon na. Pagdating sa
Eskwela at dahil maaga pa naman ay nanatili muna sa Lobby at
sinamantala ang panahon para makapag-aral. Ano ba 'to, hirap na hirap pa rin
itatak sa isipan ang inaaral at sadya ngang kay purol ng aking utak. Makalipas
ang ilang minuto, pumasok na ko sa silid at ipinagpatuloy ang pagrerepaso
habang wala pa ang presensiya ni Ma'am Ria. Nahihirapan na ngang
mag-aral, sumabay pa ang ingay ng mga kamag-aral na sa halip na pag-aaral ang
atupagin ay pakikipagdaldalan at nakakabanas. Maya-maya pa, pumasok na si Ma'am
at nagsimula na ang pagsusulit. Nakapag-aral ako pero di inasahan na magiging
ganun pala kahirap ang pagsusulit pagkat essay at enumeration at
karamihan sa aking inaral ay hindi lumabas, napakamot tuloy ng ulo sa hirap
habang sumasagot at kay linis ng papel ko. Habang hirap na hirap na kami sa
pagsagot, si Ma'am naman ay sarap na sarap sa paglantak ng Biscuit.
8e-q. Ang bait niya pagkat inalok kami ng pagkain at halos mabungal ang
ngipin sa tigas at humapdi ang lalamunan sa anghang. Kahit isang piraso lang ay
di nagawang ubusin sapagkat di naibigan ang lasa. Ilang sandali pa, natapos na
ang aming pagsusulit. Medyo napasarap ang kwentuhan namin nina Eric at
Mitche kaya di napapansin ang oras at kailangan ng tumungo sa ibang
silid. Pagkapasok ay saktong nagtuturo na si Sir Max at tapos
na pala ang oral recitation, sayang at di nakapag-recite pero
ayos lamang pagkat may gawa naman assignment. May kinalaman pa rin
sa Bill of rights ang itinuro sa amin ni Sir at kahit paano,
nalalaman kung ano-anong mga karapatan ang pinanghahawakan bilang residente ng
bansa. Pagkatapos ay dumako na kami sa kabilang silid.
8e-r. Sa oras naman ng Social Science 4, nagsimula na ang group
presentationsubalit di muna kami kundi ibang grupo at karamihan sa mga
nag-uulat, mahihina ang boses at di klaro ang pagsasalita. Nakakatamad na din
makinig kung ganoon ang lagay kaya muling nakipagtsikahan kina Jaimarri at
tungkol pa rin sa Sex at Virginity ang laman
ng usapan. Kalilibog ng mga bunganga ng kausap ko at muntikan ng sumakit ang
sikmura sa kakatawa. Tila dami na ngang karanasan at mabuti, di nauuwi sa
maagang pagiging magulang sa edad nilang iyan at bawat sinasabi'y nilalagyan ng
malisya. Mistulan kaming si Sir Barrion kung umasta pagkat
tungkol doon ang topic at kakikitaang buhay na buhay ang
mukha. Kinapos na sa oras kaya di lahat nakapag-ulat at uwian na.
8e-s. Dahil nagugutom at sa halip na umuwi, kasama sina Jaimarri ay
tumungo pa ng Canteen at kumain. Pakiramdam ko, sila na marahil ang
bagong mga kaibigan at nakakatuwang kasama, iyon nga lang ay nagulat at di
makapaniwala sapagkat palahithit-buga sila ng Sigarilyo at sa amin magkakasama
ay ako lang ang di naninigarilyo.
Tila nagbago na ang tingin sa kanila ng makita iyon at gusto ko ng
humiwalay pero huwag muna at maiging kilalanin muna sila ng lubos bago
manghusga. Iba talaga ang pakiramdam sa mga nakakasalumuhang tao na batikan
kung manigarilyo, tapos tadtad pa ng tatto sa katawan. Pagdating ng tahanan at
sa pagod, kaagad akong nag-siyesta. Kinagabihan at dahil walang ibang
mapagkaabalahan, panonood muli ng telebisyon ang siyang libangan. Pagkatapos at
dala na di pa dinadapuan ng antok, nakinig muna ng musika at sarap pakinggan
ang mga kantang may malalalim at makabuluhang mensahe at nakaka-relate.
April 23, 2016
Saturday
Year IV-114
8e-t. Pumatak nanaman ang Weekend at sa takaw kong matulog
ay malapit ng sumapit ang ikasiyam ng umaga ng magising at bumangon. Sa aking
paggising ay ginhawa sa dibdib agad ang naramdaman at tila dalisay ang umaga ko
pero biglang nagbago ng matuklasang nawawala pala ang School kit ng
tanungin ni Mama. Nakalagay pa naman dun ang mga mahahalagang papeles tulad ng Registration
Card, Vote slip at iba pa kaya labis ang aking pamomoblema
ng panahong iyon. Tiyak na yari ang pag-aaral ko dahil nawawala ang registration
card, maging sa pagboto ko, mukhang magkakaproblema din. Dahil sa aking
kaburaraan, malalagay sa bagay na di kanais-nais ang buhay. Hindi na nga
mapagsidlan ang mukha dahil pangambang-pangamba sa kung anong maaring mangyari,
sinabayan pa ng pagbubunganga ni Mama.
8e-u. Mabuti sana kung ang sinasabi niya, makakatulong kaso wala at
nakakapagbigat lang sa hinaharap ko. Hindi ko na ibig pa ang ma-stress ng
todo-todo kaya labas sa kabilang teynga ang sinasabi nito at di iniintindi. Kinalaunan ay
napanatag ang kaninang nangangambang kalooban ng ipabatid ng kamag-aral na may
nakapulot sa aking School kit at sana nasa mabuting kamay
iyon. Hindi na gasinong nag-aalala matapos ang mga nalaman at ingat-ingat
na lang sa susunod para di nawawalan. Nang makapag-agahan, inumpisahan ko na
ang gawaing bahay. Dami muling nawalis na alikabok na bulto bulto kung
titingnan at halos bahingin ako.
8e-v. Sumunod ay paglalaba ang inatupag ko. Napakalimitado lamang ang taglay
kong enerhiya kaya pagod at gutom ang inabot sa dami ng ginawa. Matapos
makapagpananghalian, ako'y nagpahinga. Ang mahimbing at masarap na Siyesta,
nasira ng may bumisitang kaanak sa bahay at sa dami nila na sabay-sabay
nag-uusap ay halos ikarindi ko at magiba ang buong bahay. Hindi magawang
mapakali at ibig silang kilalanin dahil baguhan lamang sa pandinig ang mga
boses, kaso ay nangibabaw ang hiya. Saka lamang lumabas ng kwarto ng
magsialisan sila at nakapagmeryenda. Pagsapit naman ng gabi ay panonood muli ng
Telebisyon ang naging pampalipas oras. Maalinsangan ang panahon at gawa na di
pa inaantok, naisipang pagkaabalahan ang paggawa ng kwento at medyo nag-enjoy ako
kaya di namalayang pahating-gabi na.
April 24, 2016
Sunday
Year IV-115
8e-w. Araw ng Linggo at
ito ang araw para ibigay sa panginoon ang ating mga oras at alalahanin ang mga
kabutihan at tulong na nagawa niya sa atin. Nakakalungkot isipin at sa dami ng
naglalaro sa isipan ay nakakaligtaan ng sumampalataya sa kanya. Mas inuuna ko
pa ang mga bagay na kahit walang kwenta basta nakakaaliw kaysa gugulin ang oras
para magsimba. Maliit na bagay lamang iyon para sa akin pero pagdating sa kanya
ay marahil nagtatampo na't gusto na parati siya ang unahin sa lahat ng bagay.
Tanggap ko ng makasalanang nilalang kahit minsan nagagawang sumamba sa kanya at
nawa'y magawang patawarin. Tirik na ang haring araw ng magmulat at naging
maginhawa muli ang aking pagbangon. Walang magawa at para iwas bato at
malibang-libang, namahala ako sa tindahan.
8e-x. Maya-maya pa at ng tanghaliang tapat, oras nanaman para kumain. Ibig ko
sanang lumabas, kaso nakakapasong sinag ng araw ang pumigil sa balakin. Maiging
parating manatili sa loob ng bahay ngayong tag-init para iwas baluga.
Kinahapunan, pagbabasa ng aklat ang inatupag ko. Ngayong hapon pala gaganapin
ang huling debate ng mga kandidatong tumatakbo sa pagkapresidente, kaya tigil
muna sa pagbabasa at binuksan ang telebisyon. Ano-ano kayang mga platapormang
plano nilang ilatag sa bansa kapag naupo sa Pangulo at alin kaya sa mga ito ang
magtutulak sa akin para iboto siya? Sa sabik na matunghayan ang huling harapan
ng mga Presidentiables, matiyaga kong inantabayanan.
8e-y. Pagpatak ng Alas-singko ng magsimula ang debate. Tungkol sa agawan ng
Teritoryo sa West Philippine Sea ang unang napag-usapan at
magaganda naman ang kanilang mga sinabi lalo na kay Grace Poe na
kailangan bigyan ng radyo ang mga Coast guard para sa mabilis
na pag-aksyon at kailangan magkaisa para mapalakas ang depensa natin sa
teritoryo. Pagdating naman sa
sinabi ni Duterte, handa pa yatang ibuwis ang buhay at bahala na
raw tayo umiyak, hindi ko naibigan ang naging katugunan niya pagkat nandoon ang
pagiging mapagmataas at kala kung sino makapagsalita. Pagdating naman sa
usaping pangtrapiko, pinakanagustushan ko ang sinabi ni Miriam Santiago na
kailangang magtayo ng maraming Railways, Skyways at
Underpass para maibsang ang trapik na isa sa problema ng ating
bansa.
8e-z. Nang one on one debatehan, tagisan sila ng
talino sa pagtatanong at kung anong makitang kapintasan ay ibabato at ibabato
at ayaw magpatalo. Lalong na ng magtapat si Grace Poe at Binay, Binay at Duterte.
Pagadating kay Miriam Santiago, wala silang maibato pagkar takot at
ganun talaga kapag mataas ang napag-aralan at naging tuwid sa panunungkulan. Tumagal
ang Pilipinas Debate ng apat na oras at magaganda at
makabuluhan ang inilahad nilang plataporma kaya nahihirapang magdesisyon kung
sino ang iboboto. Sana naman tuparin ang kanilang plataporma, hindi lunurin ang
mga Pilipino sa mga pangakong napapako naman. Hindi ako na-satisfied sa
takbo ng Pilipinas Debate sapagkat di man lang napag-usapan
ang tungkol K to 12 program at bagal ng internet dito.
Alas-dyis na pala kaya kaagad ng nahiga sa kama.
April 25, 2016
Monday
Year IV-116
8f-a. Hindi ko man lamang nasulit ang dumaan na Weekend at
Lunes nanaman at kailangan muling pumasok sa paaralan. Dakong Alas-sais na ng
ako'y bumangon at pagkatungo ng Unibersidad ay kaagad kong tinanong sa mga
gwardiya, nagbabakasakaling nasa kanila na ang nawawalang School kit pero
sinabing sa Guidance office raw makikita, tumungo ako dun pero
sarado pa. Sa mga nangyayari, nagpapakitang malabo ng maibalik sa 'kin iyon
pero di nawawalan ng pag-asa at gagawa ng paraan, mapapasaakin lamang muli
iyon. Pagkapasok ng silid, nagtuturo na si Ma'am Ria. Kahit di
nagpapatawa si Ma'am, parang nakakatawa na din dahil sa mga ikinukwento niya at
madalas ay tumataas-taas ang kilay na nagtataray at consistent magsalita
na aakalain mong may paninindigan at palaban.
8f-b. Tila walang panama ang mga naging boss ni Ma'am, sa
taray ba naman nito at di magawang kayan-kayanin. Pagkatapos ay nagkaroon muli
kami ng activityat si Beatriz muli ang naging
katuwang. Kinapos na sa oras kaya di na din namin tinapos pa at assignment na
lang. Sa oras ng Social Science 3, ganun pa rin at nagturo lamang
si Sir Max tungkol sa Bill of rights. Maagang
umalis si Sir sapagkat may Meeting ito at habang kami-kami
lang nila Mica ang nasa silid ay para akong nasa Miss
Universe kung kausapin at tanungin at grabe, gusto ko ng matunaw dahil
sa Overwhelm na sabihin nitong Future President ako
ng bansa. Hindi ko mabatid kung ano ang nakita sa akin at nasabi niya iyon o
baka nagbibiro lamang.
8f-c. Paano naman ako magiging Pangulo kung ngayon pa lang, maraming
obligasyon ang di ko magampanan tulad ng pagiging mabuting estudyante at anak
at di nangungupit o sumasagot, mag-aral ng mabuti at maging mapagpahalaga sa
lahat ng bagay, isa pa ay pabaya ako, what more kung maging president ako
at ayaw kong mapunta sa ganun dahil kilala ko ang aking sarili. Saka na
iyan kapag umayos-ayos na ko at kung ganoon nga ang maging kapalaran, bakit
hindi. Sa mga sinasabi
ni Mica (Santos) ay di ko alam kung anong dapat maramdaman,
kung matutuwa ba o hindi. Ilang sandali pa, tumungo na kami sa kabilang silid.
Saglit lamang nanatili sa silid si Sir Marvin at marahil sa
sobrang abala nito sa ibang bagay, di na naasikaso ang magturo. Pagkaalis ni
Sir ang paghahari ng ingay at nanood na lamang kami ng Video nina Jaimarri na
pinamagatang Human Centipede. Nakakadiri ang natunghayang eksena ng may
isang sinto-sinto ang ginawang Alupihan ang mga biktima at tanging dumi ang
siyang pagkain nila, halos masuka ako ng mapanood iyon.
8f-d. Nagsilabasan na ang halos lahat sa kamag-aral, maliban sa akin na
nanatili muna sa silid dahil nalaman ko na isa sa susunod na magklaklase ang
nakapulot ng School kit ko. Pumasok na ang mga estudyante
maging ang Professor pero di pa siya dumarating, iniisip ko
kung dapat pa ba siya hintayin at dapat ko ng tanggapin na di masasauli iyon.
Tila nabuyahan ng loob ng sa wakas ay pumasok ito pero napalitan ng
pagkadismaya ng sabihin niyang iniwan lamang ito. Kahit mukhang malabo ng
mahanap iyon ay di ako tumigil at nagtanong sa mga Janitor pero
maging sila ay di nakita ang nawawalang gamit, tumungo na ko ng Guidance at
tila nabunutan ng malaking tinik sa lalamunan pagkat nasa pangangalaga nila ang
nawawala kong School kit at nag-uumapaw ang mukha sa tuwa na
umalis. Naibalik nga sa
akin ang School kit, pero panibagong problema nanaman ang kinaharap
ko pagkat pagkababa sa may Sandigan, natuklasang nawawala ang Cellphone at
ang ipinagtataka pa, bakit nakabukas ang harapan ng bag samantalang sinarado ko
naman.
8f-e. Marahil ay nadukatan na ko ng di namamalayang at umuwing labis na
nanghihinayang at bagsak na bagsak ang mukha. Ano ba ito bakit nangyayari sa
akin ang ganito? Malamang ay patay muli kila Mama kapag nalaman ito kaya tikom
muna ang bibig pero di rin nagtagal ang aking paglilihim ng mahalata sa
kinikilos ko na nawawalan ng gamit. Hindi naman ako nabulaga sa naging reaksyon
nila at sanay ng tawaging burara at tanga at marahil ay nararapat lamang iyon
sa akin. Napakainutil ko talagang nilalang. Dahil sa labis na panghihinayang,
nawalan na ko ng ganang gumawa ng assignment at kumain, gusto
parati nakahiga at nakataklob ng unan ang mukha. Idagdag pa ang pagkahilo at
pananakit ng ulo kaya walang ginawa sa maghapon kundi humiga. Letseng buhay
ito, nawalan na nga ng Cellphone, mukhang magkakasakit pa ko't tila
nagkakasabay-sabay ang dumarating na problema. Sabi nga niya, kaya ko ito at
makakayang lampasan kahit sunod-sunod at sabay-sabay.
April 26, 2016
Tuesday
Year IV-117
8f-f. Nanatili pa ring napakabigat ng aking kalooban at tila pasan-pasan ko
anghollow block sa likuran matapos ang nangyari kahapon na di ko
inasahan. Pagpatak ng Alas-sais ng magising ako at tila ayaw munang pumasok
dahil sa bigat ng nararamdaman. Masakit din ang aking ulo na kahapon pa nararanasan
kaya minabuting lumiban ng klase para makapagpahinga. Patuloy ko pa rin
naririnig mula sa bibig nila Mama ang mga mabibigat na salita at parang
kutsilyong hinihiwa ng paulit-ulit ang dibdib kapag pinakikinggan sila. Di ko
naman sila masisi kaya walang magawa kundi manahimik at tanggapin ang magiging
kahihinatnan. Pakiramdam ko, tila
ang laki ng nawala at namatayan ng mawala ang Cellphone pagkat
naka-save pa naman dun ang karamihan sa mga importanteng dokumento
at bukod pa dun ay malaki ang naitutulong kapag may Cellphone, tapos
nawala na lamang ganun-ganun.
8f-g. Sisiguraduhin ko na ito na ang huling pagkakataon na mawawalan ng gamit
at mag-iingat na talaga sa susunod. Nakakasawa na na parating ganito ang
problema at sana huwag ng maulit. Sa sakit ng bungo ko ay buong umagang
nakahiga at saka lamang bumangon ng makaramdam ng gutom. Napakasama talaga ng
aking pakiramdam at matapos kumain ay humiga ulit. Pagsapit ng hapon, nanatili pa rin
ang pagkahilo ko at maya-maya, biglang nakaramdam na nasusuka hanggang sa
magsuka na. Ano nanaman bang sakit ang dumapo sa akin at nagkakaganito nanaman.
Ayaw ko ng madagdagan ang alalahanin ng aking magulang at nakaka-guilty kaya
di magawang sabihin na may nararamdaman. Patuloy ang aking pagsusuka hanggang
sa sumapit ang gabi. Sa dami ng naisuka, nanghina ako.
April 27, 2016
Wednesday
Year IV-118
8f-h. Nawala na ang aking pagkahilo pero pumalit naman ang pananakit ng ulo.
Ayaw ko ng lumiban pa ng klase pagkat maakaapekto na iyon sa aking pag-aaral
kaya pumasok sa kabila na masakit ang ulo at nagsusuka, pumasok pa rin ako.
Dahil masama ang timpla, di magawang makipagkwentuhan at sinamantala ang oras
para makapagpahinga. Sa sakit ng ulo, parang gusto parati nakaratay sa higaan
at nasusuka pa pero naman maisuka. Ilang sandali pa ay pumasok na si Ma'am
Ria at nagturo, hirap din makinig kapag may dinaramdam ka pero nagawa
pa ring makinig at di ininda ang pananakit ng ulo. Matapos ay tumungo na ng
ibang silid para sa susunod kong subject.Interesting magturo
si Sir Max at nakakatuwa pero sa sakit ng ulo ay nahihirapang
makinig at gusto ko ng umuwi. Maya-maya pa'y tumungo na sa kabilang silid. Lalo
pang umigting ang pananakit ng ulo dahil sa init at makailang balik na sa banyo
pagkat sunod-sunod na ang pagsusuka. Napansin iyon ni Sir Marvin kaya
di na niya ko pinapasok pa at pinapunta sa Clinic.
8f-i. Mukhang suki na marahil sa Clinic pagkat ilang
beses ng nagtutungo roon, kahit di banggitin ang pangalan ay kilala na ko,
paano sakitin at marahil ay mahina ang aking resistensya. Ipapatawag sana ang
para ipasundo, pero di ako pumayag sa kadahilanang ayaw ko na silang abalahin
at sa halip na alagaan ay baka makatikim lang ng maanghang na sermon,
nakumbinsi naman sila sa kagustuhan.
Nang mabigyan ng Referral form ay tumungo pa kami
ng Guidance para ipakita at pirmahan iyon. Ibig na talagang
umuwi pero di mapayag-payagan hangga't di nawawala ang pananakit ng ulo at baka
raw, himatayin ako.
8f-j. Hindi naman gasino katindi ang pananakit ng ulo at kaya ko pa naman
kaya malabong mangyari ang kanilang iniisip. Paano naman makakapaghinga
kung maraming tao ang labas-masok at nakapaligid sa'yo na parang binabantayan
ka, bukod pa dun ay maingay pa kaya lalo pang sumasakit ang ulo. Habang nakaupo
at nakikiusap kila Sir Jerwin at Sir Deo na
payagan ng pauwiin ay gulat ako ng biglang tapikin at tawagin ni Sir
Jigo pagkapasok nito at natutuwa ako pagkat magagawa pa niyang
pansinin. Tila ayaw ko munang umalis at kahit masakit ang ulo ay para akong
sumigla pero sumaglit lamang siya. Kung kailan pinayagan ng umuwi, saka naman
ito bumalik at sayang.
8f-k. Habang naglalakad at nasa gitna ng naglilingas na init ng araw ay
nadagdagan pa ang sakit ng ulo at parang mabubuwal na pero kinaya naman at
diretso sa pagtulog pagdating ng bahay. Madilim-dilim na ng magising ako at
nanatili pa ring masama ang pakiramdam. Maya-maya pa, nagsuka na ko at di
akalain na matutuldukan na ang pagpapanggap na walang sakit ng masilayan nila
Mama habang sumusuka ako, inamin ko na sa kanila. Hindi naman gasinong
sinermunan at pinayuhan pa nga. Bahagya nanaman nalagas ang lakas ko matapos
sumuka. Malalim na ang gabi, hindi pa rin makatulog pagkat nanatiling masakit
ang ulo at nagsusuka at maigi na rin nalaman ito nila Mama kaysa mapabayaan
hanggang sa lumala.
April 28, 2016
Thursday
Year IV-119
8f-l. Pagkagising kinaumagahan, umigi-igi na ang ang pakiramdam ko pero di pa
rin pumasok para magpa-check up nila Mama at kumuha ng medical
certificate. Dakong Alas-otso ng lisanin ang tahanan at pagkadaan sa Ison
Site ay tumambad ang dami ng mga taong tila nakikiusyoso, iyon pala'y
may nagaganap na sunog pero di pa naman kalawakan at maagapan pa kung naroroon
na ang mga bumbero. Pagdating namin sa Ospital, wala pang Doktor at makalipas
ang halos isang oras ng dumating ito. Pagka-check up at ng masuri,
sinabi nito na mayroon akong Acute Gastroenteritis na siyang
dahilan ng pagsusuka, pananakit ng ulo at pagkahilo. Matapos maresetahan ng
gamot, di na kami nagtagal pa at libo-libo nanaman ang nagastos sa mahak ng mga
gamot at pampa-check up, tapos iniksamin pa ang dugo at ihi kaya dagdag
gastos at sakit sa bulsa ang makikitang presyo.
8f-m. Hindi pa ko umuwi at sa halip ay tumungo pa ng Eskwelahan para isumite
ang Medical Certificate sa Clinic.
Pagkatungo ay masiyahing mukha ang isinalubong ng mga Personnel at
nagawa pang magbiro kaya nakakatuwang kasama at nakakawala ng intimidation pero
dahil sa nakasulat sa Medical Certificate na kailangan
magpahinga sa loob ng tatlong araw, hindi muna ako pinayagang pumasok. Kahit di
pinayagan at dahil maayos na ang aking pakiramdam ay pumasok pa rin ako at
saktong nagtuturo na si Sir Maxpagkadako ng silid. Matapos niyang
magturo ay nagpaalam sa kanya na di makakapasok bukas at mabilis pa sa guhit ng
kidlat ang pagpayag nito. Sumunod ay tumungo pa ko ng Testing Room para
kay Ma'am Ria naman magpaalam at saktong naroroon pa siya.
8f-n. Tila di ko magawang magpaalam ng sabihin nitong bukas na isasagawa ang
pagsusulit para sa Midterm pero walang magagawa at kailangan
sundin ang sinabi ng doctor para tuluyan ng gumaling at sa
kalusugan. Nakakapanghinayang lang pagkat di makakakuha ng pagsusulit bukas. Pagkatapos ay
pumasok na ko ng silid. Uuwi na sana ng maipakita kay Sir Marvin ang excuse
letter pero pinigilan nina Jaimarri at dahil masaya
kasama, pinagbigyan sila. Isa pa at para mas lalo ko pa silang makilala at
malaman kung dapat bang kaibiganin. Saglit lamang nanatili si Sir at
nagsalita at matapos ay umalis na ito, talagang walang matutuhan nito sa kanya
kung parating umaalis at wala at tingin ko, napababayaan na niya ang pagtuturo.
Nang sa tingin namin na mukhang malabo na itong bumalik, kanya-kanya na sa
paglabas.
8f-o. Pagkauwi, wala palang kuryente at dahilan niyon ang naganap na sunog
kanina. Sobrang init pa ng panahon kaya mukhang babalik nanaman ang pagkahilo
at pinagpapawisan kahit di kumikilos. Takip-silim na at palubog na din ang
araw, di pa naibabalik ang kuryente. Ang nakakainis pa, di lahat ay brownout at
ang ilan ay may kuryente, tapos nagpapatugtog pa ng malakas na tila nagyayabang
at nang-iingit.
Sumapit na ang gabi, balot sa kadiliman ang buong bahay at dahil
nababato kapag di tutok ang mata sa telebisyon, naisipang magtungo sa bahay ng
kaanak. Hindi na rin natuloy ang balak na makinuod sa kaanak sapagkat habang
naglalakad, bigla ng nagkailaw at lundagan sa tuwa ang mga tao, bumalik na ko.
Laking pasalamat namin at may kuryente na rin, tapos na ang pagtitiis at balik
ginhawa ang buhay. Matapos manuod, kaagad na kong natulog.
April 29, 2016
Friday
Year IV-120
8f-p. Magaling na talaga ako at di nararanasan ang sintomas subalit kailangan
munang lumiban ng klase para makapagpahinga. Tirik na tirik na ang haring araw
sa labas ng magising. Mabuti na lamang, hindi pa natatapon ang
pinaglumaang Cellphone ni Papa. Gumagana pa naman ng maayos
kahit luma na kaya iyon na ang naging bagong Cellphone ko. Ang
problema, hindi naman makapag-internet sapagkat di nakakabit sa Wi-fi ni Kuya
Denver, tumungo ako sa bahay niya subalit tulog pa raw ito. Maya-maya,
sinimulan ko ng gawin ang assignment sa Social Science 4, hirap nga
lang sumagot dahil Workbook lamang at walang makitang sagot sa mismong parte
nito, kinalaingan pa mag-research kaso wala namang internet kaya
nagtungo pa sa labas at doon na nag-research. Malapit ng magtanghali ng
matapos ako at muling nagtungo sa bahay ni Kuya Denver sapagkat
umalis na ito. Ano ba ito, daming hadlang sa buhay at mukhang nagkakait ang
pagkakataon na mag-usap kami. Kailangan ko kaya siya makakadaupang palad. Walang magawa at
nakakabato kaya matapos mananghalian ay tumulog muna ako. Kinahapunan, tumungo
ako ng SM Fairview at dahil napasarap sa pamamasyal,
madilim-dilim na rin nakauwi. Sa wakas, nakapag-usap na din kami ni Kuya Denver pero di naman pinayagan
makikabit dahil mabagal at nagkakaproblema at sinabi nitong balak na niyang
tanggalin ang Wi-fi connection kaya di na nagpumilit
pa.
April 30, 2016
Saturday
Year IV-121
8f-q. Lumiyab na ang liwanag sa labas ng magmulat ang mga mata at kahit
inaantok pa'y bumangon na ko. Matapos magkape at dahil nakakabato kapag nakaupo
lamang na parang naghihintay ng Pasko, paglilinis ng bahay ang siyang
napagkaabalahan. Kahit ubos lakas sa dami ng ginagawa, sulit naman at
naipapakita ang iyong silbi. Nang masigurong malinis na, paggawa naman ng
kwento ang siyang inatupag. Sa sobrang abala ko'y inabot na ng tanghali. Kanina
pa kumakalam ang sikmura kaya kinailangan ng kumain. Ramdam muli ang
maalinsangang panahon na tila nasa impyerno kaya pagsapit ng hapon at sa wakas,
bumuhos na ang milagrong tubig subalit daglian lamang at di nakatulong para
maibsan ang init. Kinagabihan at dahil may nakaburol malapit sa amin ay anong
ingay at kailangan pa, magsigawan kapag nakakalasap ng panalo sa pagsusugal.
Karamihan ng taga-rito sa amin, sa halip na gamitin ang katawan sa
pagtatrabaho, pagsusugal ang inaatupag kaya walang kaunlaran ang buhay. Pati
mga bata, natututo na ring magsugal at tila napababayaan na ng mga magulang.
Mapalad pa rin ako na kahit ganito lamang ay di naman nasasanay sa masasama't
bawal na gawain.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento