Huwebes, Abril 30, 2015

28. April 2015 Journal (Day 821-850)

April 01, 2015
Wednesday

Year III-091

6c-d. Miyerkules Santo, sa sabik, hindi pa man tumitirik ang haring araw ay gumising na ko't bumangon. Gawa na may iniindang karamdaman ang Tito Lito at may pasok pa si Tita Cleo at ayaw sumama ng dalawa, kaming tatlo lamang ni Tita Susan ang gumayak. Sa dami ng dapat dalhin, tila napaaga ang pinetensya ko't dinaig pa ang nagbubuhat ng Krus sa bigat, bahagya akong nakaramdam ng pananakit ng likod. Malapit ng mag-ikawalo ng marating namin ang Terminal at dagsa na ang maraming biyahero kahit maaga pa lamang. Damang-dama na talaga ang Pick season ngayong Holy week at hirap makipagsabayan. Sa panahon ngayon, kailangan magbaon ng mahabang pasensiya habang nasa pila ka. Masuwerteng maikli lamang ang pila sa bus na aming sasakyan at kaagad naman nakasakay.

6c-e. Naging napakabilis naman ng biyahe ng bus subalit pagdating malapit sa may SLEX toll-gate, bahagyang bumagal hanggang sa di na makausad. Sa hinaba-haba ng biyahe, dakong Alas-onse na ng makarating sa bayan ng San Juan, Batangas. Bago magtungo sa bukid at dala na kanina pa namamayani ang gutom sa kanya-kanyang sikmura, tumigil muna kami sa may Lomihan at nagsalo-salo. Sa sarap at kakaibang linamna'y hindi mapigilan ang bibig sa paglantak ng Lomi. Natigilan lang kung kailan busog na at iba talaga ang sarap ng Lomi kapag nasa Batangas ka. Sumapit na ang tanghaling tapat kung kaya anong tindi ng init ang aming naranasan habang patungo sa sakayan. Pagkatungo sa bukid, iba't ibang kaanak agad na bago lamang sa aming paningin ang sumalubong at sing-aliwalas ng panahon ang pagtanggap nila.

6c-f. Dala na ako'y manlupaypay na dahil sa pagod ay pansamantalang nag-siyesta. Pagkagising ay halos maligo na ko sa sariling pawis at dama talaga ang maalinsangang panahon, naligo muna ako. Matapos maligo, nagtungo na ako sa labas at nagpahangin. Tanging sa probinsya mo lamang malalanghap ang preskong hangin at ginhawa ang iyong madarama.  Maya-maya pa, dumako ako sa bagong gawang bahay ng Tita Mildred. May kalawakan ito at samu't saring mga bata ang nadatnan kong masayang naglalaro. Nahanap ko ang tuwa sa kanila lalong-lalo na ang dalawang bata na sila Lloydie at Sky na kung mamasdan ay may dugong dayuhan at dinaig pa ang anay sa sobrang kaputian.

6c-g.  Kinausap ko sila't halos di makausap ng matino pagkat English ang salita nila. Mahusay ngang magsalita ng English, di ko naman lubusang maunawaan pagkat masyadong Slang at sumasakit ang ulo ko sa kakaintindi. Bukod sa mestisuhi'y napakabibo nila't ang cute pa. Pumasok na nga ang panahon ng tag-init subalit kasabay naman niyon ang paparating na unos at nagbabantang manalasa sa lugar kung saan naroroon ang karamihan sa mga bakasyonista. Climate change na talaga't kahit di pa panahon ng tag-ula'y may bagyo na agad. Kinagabihan at gawa na di pa dinadalaw ng antok, naisipan kong magbasa ng mga Jokes. Mistulan akong tinakasan ng bait pagkat mag-isang nahalakhak at muntikan ng sumakit ang tiyan. Ng makaramdam ng antok, saka pa lamang nagpasyang matulog. Hirap naman makatulog pagkat malamok at siksikan pa kami sa iisang higaan.


 April 02, 2015
Thursday

(Maundy Thursday)
Year III-092

6c-h. Huwebes Santo at araw ng pag-alaala sa huling hapunan ni Jesus kasama ang kanyang mga alagad. Madaling-araw pa lamang ng magising ako at sa paggising ay tinig ng matanda agad ang nadinig ko. Nagdadasal pala ang Lola Sabe at marahil ay panata niya iyon tuwing sasapit ang Semana Santa. Medyo inaantok pa kung kaya umidlip muna pansamantala at sumikat na ang haring araw ng ako'y dumilat. Matapos mag-agahan, kaagad akong naglaba. Kakaunti lamang ang labahin kung kaya kaagad din natapos at nakapagsampay. Mabuti na lamang at maaliwalas ang panahon sa kabila na may paparating na unos kung kaya makakapagtuyo agad ng sinampay. Bisperas din ngayon ng aming reunion kung kaya maaga pa lamang ay tulong-tulong na sila sa pagtatayo ng tolda't naging puspusan sa paghahanda. Habang lumilipas ang mga sandali ang unti-unting pagdating ng mga kaanak at di ko inakalang na ganon pala sila karami.

6c-i. Akala ko, kami-kami lamang ang bukod tanging magkakadugo't wala ng iba pa subalit marami pa pala akong di kilala’t ang ilan sa kanila, tila pamilyar sa akin. Ibig ko sanang katagpuin sila't kilalanin subalit anong hiya muli ang siyang umiral lalo na't kay didisente ng kanilang kasuotan at ang babango pa samantalang di pa ko nakakapagbihis at naliligo. Maya-maya pa, sapilitan na nilang hinatak ang baboy patungo sa katayan maging ang baka. Habang pinapanood ang aktwal na pagkatay sa mga hayop ay di ko mapigilang maawa kahit di kauri at sirit ng husto ang mga dugo.

6c-j. Semana Santa ngayon at ang araw na ito na dapat sana ilaan upang magnilay-nilay at mag-ayuno subalit mukhang malilimutan dahil sa samu't saring masasarap na putahe ang nakahain sa mesa at ang lahat ng mga ito'y puro nilahukan ng karne. Kanina pa gutom kung kaya di ko napigilan ang sarili na lumantak ng karne't tila limot ng isipan na bawal iyon sa Semana Santa. Iba't ibang putahe ang nakain ko at sa dami, labis akong nabusog. Habang tumatagal ang unti-unting paghahari ng ingay sa kapiligiran at dumarami na din ang mga mag-iinom at bisita. Kami namang mga magpipinsan, walang ibang inatupag kundi kumulwit at magpakasasa sa kanya-kanyang Gadget.

6c-k. Ilang sandali pa, naisipan naming maglakwatsa't maraming magagandang tanawin dito sa probinsya ang aming nakita. Pagkabalik, saktong nakarating na si Tita Sabel kasama sila Harvey at Kuya Darrel. Lalo pa kaming sumaya magpipinsan ng madagdagan at buong maghapong nagpalitan ng kuro-kuro. Umiral agad ang pagkadismaya sa dibdib ng ipabatid ng Tita Sabel na di na makakapunta si Papa pagkat umatake muli ang rayuma nito. Gayunpaman, nauunawaan ko pa rin siya. Patuloy na naghari ang kaingayan hanggang sa sumapit ang gabi. Lugmok na ang mata sa antok at sa takot na mawalan ng mahihigahan, di pa man malalim ang gabi’y natulog na ako. 


April 03, 2015
Friday

(Good Friday)
Year III-093

6c-l. Biyernes Santo at ito ang araw upang gunitain ang pagpapakasakit ng ating tagapagligtas na siyang tumubos ng ating mga pagkakasala. Nataon din ang araw na ito upang idaos ang reunion naming magkakamag-anak kung kaya di mapigilang masabik. Sa ingay ng karooke maging mga matatandang nag-uusap, nasira ang masarap kong tulog. Ala-una pa lamang ng tingnan ko sa orasan kung kaya ipinagpatuloy ko ang pag-idlip subalit di naman makatulog at napawi na ang antok. Nakatulog naman ako kinalaunan at maliwanag na sa labas ng magising. Iba't ibang putaheng nilahukan ng karne kaagad ang nakita ko na nakahain sa mesa at iyon ang naging agahan namin. Sa sobrang gutom, di ako naging mahinay sa paglantak.

6c-m. Matapos kumain, paglalaro ng gadget ang siyang inatupag ko maging mga pinsan at kay sarap ng aming buhay samantalang hindi na magkandaugaga sa pagkilos ang mga tiyuhin at tiyahin, maasikaso lamang ang mga bisita. Habang tumatagal ay unti-unti kaming nadadagdagang magkakamag-anak. Malapit ng magtanghali ng magsimula ang programa. Isa-isa muna nilang ipinakilala sa amin ang kanilang kasamahan maging ang sarili at karamihan sa kanila'y ngayon ko pa lamang nakilala. Ng makapagkilala na ang lahat, kainan na at masaya kaming nagsalo-salo. Sa dami ng handaang nakahain sa mesa'y nag-iinit ang mata ko at di mapigilang kumain.

6c-n. Halo-halo na nga ang nasa sikmura sa dami ng putaheng nilantakan at tila di papaawat. Kanya-kanyang pakita ng talento ang mga kaanak ko habang nagkakainan at nakakagalak sila na tipong di na maiwasang humalakhak. Kahit marami sa aming mag-anak ang di nakadalo, naging masaya at makulay pa rin ang pagdaraos ng reunion. Sa saya, tila nakalimutan na Biyernes Santo ngayon. Nang mabusog ang sikmura ay tamang kuhaan lang kami ng litrato kasama ang kaanak at sana pagtagpuhin pa kami ng tadhana. Matapos akong makipagkilala at kilalanin sila, umakyat na ko't nag-siyesta. Wala ng gasinong tao paggising ko at habang papalapit ang gabi ang unti-unting pag-alis ng mga kamag-anak namin. Tila kay bilis ng okasyon at di ko man lang nasulit ito. Pagsapit naman ng gabi at habang kami ay naghahapunan, bigla na lamang nawalan ng kuryente. Nabalot sa kadiliman ang buong baryo dahil sa brownout at di kami halos magkakitaan.

6c-o. Gawa na mainit sa loob ng bahay, nagtungo kaming magpipinsan sa labas upang magpahangin at kanya-kanyang kulwit muli ng gadget. Maya-maya'y kwentuhan kami. Puro pawang katatakutan ang laman ng usapan at idagdag pa ang madilim na kapaligiran kung kaya di namin mapigilan ang masindak at muntikan ng tumaas ang mga balahibo sa takot. Ilang sandali makalipas, sa gitna ng dilim ay naisipan naming gumala. Mabuti na lamang at may buwan na siyang nagbibigay liwanag sa aming daraanan. Kung kailan bibili na sana kami ng kandila, sa di inasaha'y nanumbalik na ang kuryente. Kasabay ng panunumbalik ng kuryente ang panunumbalik din ng ingay sa kapaligiran dahil sa karooke't sige pa din sa pagbirit ang mga lasengero kahit malalim na ang gabi, di tuloy ako makatulog. Tutungo pa kami sa dagat kinabukasan kung kaya maaga akong natulog. Para sa akin, isa ang araw na ito sa di ko makakalimutan.


April 04, 2015
Saturday

(Black Saturday)
Year III-094

6c-p. Patay na araw, maaga pa lamang at tila ibig pang matulog ng matagal subalit kailangan ng awatin ang sarili sa kama at may lakad pa kami ngayon. Ayaw ko naman maiwanan sa gayak kung kaya kaagad ng bumangon at nilamnan ang sikmura upang di gutumin. Sama-sama kaming magkakamag-anak na tumungo sa dagat matapos makapag-agahan at medyo may kalayuan iyon magmula sa bahay. Sa layo, tila di pa nagtatapos ang pinetensya namin at animoy Alay-lakad na ang ginawa. Pagod ang inabot namin pagdating sa beachat pansamantalang nagpahinga. Ilang sandali pa, sumuong na kami sa dagat. Di gasinong karami ang naliligo kung kaya di ko matagpuan ang saya't nakakawalang ganang magliwaliw. Habang lumulusong ay kumislap agad ang tuwa sa mukha ng makadampot ng Starfish at kakaiba ang anyo nito. Aakalaing yari ito sa plastik sa tigas at walang buhay pagkat di gumagalaw.

6c-q. Sa ganda’y gusto kong iuwi ang Starfish. Kaagad din naman kaming umahon at magtatanghaling tapat na ng makarating sa bahay. Pagkabanlaw, tumungo na agad ako sa gubat upang manguha ng Saga. Sa dalang ay pahirapan sa akin na makita ang bunga na iyon at sapalaran na suyurin ang kagubatan kahit masukal. Abot langit ang tuwa ng makita ang bunga ng Saga't dali-daling pinagpipitas kahit nababalutan ng hantik ang Sanga. Pagkabalik ay laking gulat ko na lamang ng biglang dumugin ng mga bata. Natutuwa pala sila sa hawak kong Saga't sabik na sabik na mapasakamay subalit di ako makakapayag.

6c-r. Pilit kong inilalayo sa kanila ang Saga pero nasunod ang mga ito kung saanman ako magtungo hanggang sa maghabulan na. Talagang nag-uuminit ang mata nila sa bunga't di ako tinantanan. Sa kakatakbo, labis-labis ang inabot kong pagod at hitik na sa pawis ang buong katawan. Nasaway ko naman sila kinalaunan at di na nangahas pang kuhain ang Saga. Kung makatingi'y tila ngayon lang nakakita ng Saga. Ipinagpatuloy ko ang pangunguha ng Saga maging sa hapon at naging katulong ko si Kikay. Matapos manguha, tulong-tulong kaming dalawa sa paghimay. Pagsapit ng gabi, tamang upo lang kaming magpipinsan at walang humpay sa pagkulwit ng kanya-kanyang Gadget na tipong di magawang ialis ang mata't adik na adik.

6c-s. Maya-maya, naisipan namin kumanta sa karaooke at kanya-kanyang pamalas ng natatanging tinig. Hiya ako sa una subalit napabirit ako ng subukan at nakailang beses na sa pag-awit. Ang matino't mahinahong kantahan, nauwi sa kalokohan at katatawanan. Tila kay lalakas ng kanilang sapi habang nakanta at dami kong tawa. Sa kakatawa'y muntikan ng mapunit ang ngala-ngala ko at sakit sa lalamunan. Ilang saglit pa, pumasok na kami sa bahay at naghapunan. Bago matulog, kwentuhan muna kami ni Kuya Darrel at Lyka't pampagana sila ng gabi ko. Sa gana't sigla, tila hirap akong makatulog at ibig ko pang maglakwatsa subalit malalim na ang gabi.


April 05, 2015
Sunday
(Easter Sunday)
Year III-095

6c-t. Parang kailan lamang ng sumapit ang panahon ng kwaresma buhat ng Ash Wednesday, pagkatapos ay Pasko na agad ng pagkabuhay. Masaya sapagkat buhay na ang ating panginoon pero malungkot pagkat tapos na ang mahabang bakasyon para sa maraming bakasyonista at balik na sa dating gawi bukas. Pagkagising at maaga pa lang, abalang-abala na sa pag-iimpake sila Kuya Darrel. Ngayong araw na pala ang tulak nila pabalik ng Maynila. Ibig ko na sanang sumabay sa kanila, pero mas nangingibabaw sa isipan na magpaiwan muna at wala naman gagawin kapag nasa bahay. Umiral ang lungkot sa aking dibdib ng lisanin na nila ang tahanan at kasabay niyon ang pamamayani ng katahimikan. Ako at ang dalawa ko na lamang tiyahin ang natira sa bahay at di maitago sa mukha ang pagkalumbay. Gayunpaman, pinilit kong pigilan ang nararamdaman at nagpakatatag. Pinili ko ang ganitong desisyon kung kaya ay dapat ko itong panindigan at tiisin.

6c-u. Matapos magpaalam sa kanila, tumungo na ko sa labas at naglaba. Kung kailan naman naglalaba, nahihiya magpakita ang haring araw at nagbabadya pang umulan. Ganito pala ang lagay sa probinsya kapag naglalaba ka, kailangan pang sumalok ng tubig mula sa dram, di gaya kapag nasa siyudad ka na patutuluin na lamang ang gripo habang ika'y nagkukusot at nagbabanlaw. Kahit pahirapan, kaagad din naman ako natapos sa paglalaba. Pangunguha muli ng Saga ang sunod kong inatupag at muntikan ng magkasugat-sugat pagkat napakasukal ng daraanan at daming nagkalat na patpat.  Nakarami naman ako sa pangunguha ng Saga. Ng wala ng maaninag na bunga, saka lamang tumigil at pansamantalang nagpahinga. Ang lumbay sa dibdib, lalo pang sumidhi't laking pagsisi ko pagkat nagpaiwan ako't wala na halos makausap sa bahay. Gawa na nalulungkot, naisipan kong mamasyal. Habang namamasya'y biglang lapitan ang iba ko pang mga pinsan, sasama raw sila sa akin. Biglang napawi ang lungkot ko ng marinig iyon at sama-samang namasyal.

6c-v. Sa layo ng pinuntahan, bahagyang nakaramdam ng pagod. May kabuluhan din pala ang naging desisyon ko't di akalain na mangyayari sa iyon kahit payak lamang. Matapos mag-siyesta, pangunguha muli ng Saga ang siya kong pinagkaabalahan at todo sikap na sungkitin kahit napapaligiran na ng matitinik na damo. Sa sukal, pahirapan sa akin ang makakilos at nangati na nga ang hita. Madilim-dilim na ng makabalik ako sa bahay at matinding gutom ang inabot ko. Nadatnan kong nagkakainan na sila't sa gutom ay makakaya ko na ngang kainin ang lahat ng nakahain. Maya-maya, bigla akong nakaramdam ng pananakit ng ngipin subalit di pahalata sa takot na maulanan ng sermon, itinulog ko na lamang. Bukod sa sumasakit ang ngipin, nangangati rin ako na siyang nagbigay pait sa tulog ko. Ano ba ito, dami namang hassle at tila ayaw akong tantanan.


April 06, 2015
Monday

Year III-096

6c-w. Balik sa dating gawi ang halos lahat sa ating mga Pinoy buhat sa mahabang bakasyon. Umaatake muli ang sakit ng ngipin at ito ang siyang sumira sa mahimbing kong tulog. Pakiramdam ko, para akong lalagnatin subalit naibsan naman ang sakit pagsapit ng umaga't kaagad na nagsipilyo matapos mag-agahan. Maya-maya, tumungo na ako sa bahay ng Tita Mildred at doon nanatili. Kahit di hamak na nalalayo na ang edad sa mga nakakabatang pinsan, nagawa ko pa ring makisama at nakakalibang silang kasama. Kwentuhan, kulwit ng kanya-kanyang Gadget, iyan lamang ang siyang pinagkaabalahan namin sa buong umaga't napakasarap ng bakasyon ko. Naghari ang tuwa sa dibdib ng mabatid na magpipiknik sila ngayong araw at sa tabing-dagat gaganapin. Pangalawang pagkakataon ko ng makatungo sa dagat kung kaya di na muli maiwasang masabik, sa sabik ay dali-dali akong tumungo sa bahay ng Lola Trining at inihanda ang susuutin. 

6c-x. Maya-maya pa'y gumayak na kami sa dagat. Di hamak na mas marami ang kasama ko kumpara ng isang araw at mukhang magiging masaya ang piknik naming magkakakamag-anak. Saktong mataas na ang sikat ng araw habang kami'y naglalakad at tila kalbaryo iyon sa amin. Sa layo ng nilakbay, pinagpawisan ako ng todo at napagod. Hinayaan ko munang manumbalik ang dating lakas bago maligo. Nang makaipon ng lakas, daglian na akong lumusong sa dagat. Wala kaming ibang ginawa kundi magsabuyan ng tubig alat at lumangoy. Umaapaw ang ligaya ko ng mga oras na iyon. Sa labis na Enjoy, matagal-tagal din kaming nagbabad at tampisaw sa dagat at halos mag-uling na ang balat ko.

6c-y. Pagkaahon, kumain muna kami't tanging dahon lamang ng saging ang nagsilbing plato kung kaya mistulang Boodle Fight ang aming pagsasalo. Sa dami ng kinain, labis akong nabusog at maya-maya pa'y nagtampisaw muli kami sa dagat. Habang lumilipas ang bawat sandali ang unti-unting pagdami ng mga nagsisiliguan at inabot na kami ng hapon na babad ang katawan sa dagat. Malapit ng dumilim ng bumalik kami sa bahay at saka lamang nakapagbanlaw. Kinagabihan at gawa na mag-isa lamang akong bata sa bahay ng pumanaw na Lola Trining at Lolo Hilarion, nagtungo muli ako sa bahay ngTita Mildred at nakipagkwentuhan. Nakakatuwa talaga ang dalawang batang sila Sky at Lloydie at napapaingles ako dahil sa kanila.

6c-z. Maya-maya, pumasok ako sa kwarto't nakipaglaro sa mga pinsan. Alas-nuebe na pala't kailangan ko ng umuwi. Uuwi na sana ako ng biglang tawagin ni Tito Goring at inayang tumagay. Kahit di ko ugali ang tumagay, bilang pakikisama ay lakas loob kong nilagok ang alak ng Lambanog at nag-init ng husto ang lalamunan pagkaubos nito. Marami pa silang itinanong sa akin kung kaya napatagal ako. Pakiramdam ko, napakagaling ko at sa kanila ko lamang naipamalas ang taglay na abilidad na di ko maipakita sa iba at di ko batid sa sarili kung bakit nawala ang hiya. Sa dami ng sinabi at napag-usapan, di namalayang Alas-onse na. Medyo inaantok na ko kung kaya nagpaalam na sa kanila.


April 07, 2015
Tuesday

Year III-097

6d-a. Ibig ko pa sanang manatili ng ilang araw sa Batangas at langhapin ang dalisay nitong hangin subalit kailangan ko ng lumuwas sa Maynila pagkat mayenrollment pa para sa NSTP. Labag man ito sa kalooban ko na lisanin ang mga kaanak na nagbigay ligaya at kulay sa buhay ko subalit kailangan ko itong gawin. Sa sarap ng tulog, mga dakong ikapito na ako nagising at inimpake agad ang mga kagamitan. Di ko maiwasang malungkot pagkat mami-miss ko sila. Maya-maya'y nakapang-gayak na ko't bago umalis ay nagpaalam muna sa kanila. Ganito pala ang sitwasyon sa probinsya, di basta-basta makakahanap ng masasakyan at pahirapan pa. Mga dakong ikasampo na ng makarating angTricycle at sinamahan ako ng Tita Susan hanggang sa San Juan bayan. Kung itrato na niya ako'y parang tunay niya kong anak pagkat todo pagpapayo ito sa akin habang di pa nakakaalis at hindi siya aalis hangga't di ako nakakasakay. Magkahalong tuwa naramdaman ko sa kanyang pagmamalasakit at kahit kumbinsihin ko na umalis na at sabihing kaya ko na ang sarili, nandiyan pa din ito at di niya ako magawang iwanan.

6d-b. Di ko batid kung bakit ang bait-bait niya sa akin at ang gaan-gaan ng loob sa kanya samantalang tiyahin ko lang naman ito. Sabi nila, walang hihigit sa pagmamahal ng ina subalit sa aking pakiramdam ay mas higit ang ipinapakita niyang pagmamahal. Di kaya siya ang tunay kong nanay pero paano mangyayari iyon samantalang kamukha ko naman si Mama at Papa at kung sakaling tama ang hinala ko, sa anong kadahilanan at nagawa niya iyon sa akin. Mahirap man paniwalaan subalit di ko maiwasang isipin. Mga dakong Alas-dose na ng makarating ang bus na aming sasakyan at habang papaakyat ay nagpaalam na ko sa kanya. Sa haba ng binayahe, mga dakong Alas-kwatro na ng makarating sa Maynila't medyo naninibago ako ng lagay pagkat tila naiwan ang isip sa Batangas.

6d-c. Sa bigat ng bitbit dahil sa mga dalang pasalubong, labis akong napagod. Alas-singko na ng makarating ako sa bahay at maging ito'y malaki din ang pinagbago't tila matagal-tagal akong nawala. Kaagad akong nagkwento kila Mama tungkol sa naging karanasan ko ng nasa Probinsya pa't matapos ay naghapunan. Habang nakaupo, biglang nag-text ang kamag-aral ko at ipinabatid na sa April 20 na  magsisimula ang klase para sa NSTP sa halip na sa April 13. Magkahalong inis at tuwa ang umiral sa dibdib ng mabatid ko iyon at dapat ay di pa ko umuwi. Matapos manood ng telebisyon at gawa na lupaypay na ang katawan sa pagod, kaagad na akong natulog.


April 08, 2015
Wednesday

Year III-098

6d-d. Maging sa oras kung kalian gusto gumising ay nagbago din sapagkat mas maaga ang gising ko kapag nasa probinsya kumpara na naririto na ko. Patuloy pa rin nakatatak sa isipan ang kanilang mga ala-ala at tila ibig ko silang balikan. Tila di naging sulit para sa akin ang bakasyon dahil sa NSTP na iyan at dapat sana ngayong araw mag-e-enroll, subalit tinamad na at sa ibang araw na lamang. Matapos humigop ng mainit-init na kape, nagbantay ako sa tindahan. Nakakawalang gana ang magtinda kung matumal at walang kabuhay-buhay ang bentahan. Kalimitang bumibili, mga bata't puro tigpi-piso lang naman ang binibili at binibigay. Dala na ako'y bagot na bagot, paglalaro muli ng Cellphone ang siyang kinaadikan ko at nakakaadik mag-Facebook at mag-Instagram.

6d-e. Anong tindi ang naramdaman naming init pagsapit ng tanghali't ibig kong ipasok ang sarili sa Refrigerator subalit di maaari. Maalinsangan na nga ang panahon, sumabay pa ang Brownout. Wala kaming ibang ginawa kundi ang magtiyaga, pasasaan pa at magbubuhos din ng milagrong tubig ang panginoon pagkat di niya tayo hahayaan magdusa sa init at tigang. Naibalik naman ang kuryente bago sumapit ang gabi. Pagsapit ng gabi, nagimbal ang kalooban ko at nadurog ng mapanood sa balita na walang awang minomolestiya ng lalaki ang kanyang anak at sa mismong lansangan pa iyon ginawa. Kaawa-awa ang sinapit ng bata at dapat sa kanya, hatulang makulong ng matagal di yung kalahating araw lang at ilayo ang bata sa kanya upang di na makaranas pa ng pagmamalupit.

6d-f. Kahit sabihing nagnakaw ang bata, di niya dapat pinagbuhatan ng kamay at pinahiya, bagkus ay pinagsabihan na lamang. Di naman natin siya masisisi kung nagpadala sa bugso ng damdamin pero dapat ay inisip niya kung ano ang kahihinatnan.  Bukod pa riyan, samu't saring balita din ang nasagap ko't grabe ang mga menor de edad ngayon, nagagawa ng magnakaw at pumatay kahit wala naman kasalanan ang biktima. Kung ako magiging Pangulo, ang panukala ko'y babaan na ang edad na maaring makulong, ng sa ganon ay matakot sila at malihis sa masamang gawain.


April 09, 2015
Thursday

(Araw ng Kagitingan) 
Year III-099

6d-g. Holiday muli at ito ang araw upang alalahanin ang katapangan at katatagang ipinakita ng hukbong sundalo noong World War Two. Napakatindi ng naganap noong panahong iyon sapagkat walang awa silang pinahirapan ng mga Hapon at pinaglakad pa ng napakalayo na kung tawagin ay Death March. Bukod pa riyan, kawawa ang mga kababaihan sapagkat walang hiya silang pinaghahalay ng mga Hapones. Ipinagpapasalamat ko na lamang dahil nakaligtas ang mga ninuno ko mula sa pananakop ng mga Hapon at di ako nabuhay sa ganong panahon. Pag-uusap nila Mama at Ate Cecile ang tumibag sa masarap kong tulog, pagkatingin ay maliwanag na sa labas at agad na bumangon. Matapos magkape, gawaing bahay agad ang inatupag ko. Maaliwalas ang lagay ng panahon kung kaya naisipan kong maglaba. Sa dami ng nilabhan, inabot ako ng halos dalawang oras na babad ang kamay at nangaubos ang lakas ko.

6d-h. Parati na lang di sumasaang-ayon sa akin ang panahon at kung kailan nagsasampay na, saka naman nawala ang init, idinaan ko na lang sa Dryer upang matuyo agad. Matapos magsampay, pagtatanim ng Saga at pagdidilig ng halaman ang sunod kong inatupag. Kanina pa ko nakakaranas ng gutom subalit wala pang nalutong ulam, naghintay muna ako't nilibang ang sarili sa paglalaro ng cellphone. Ng maluto ang kakainin, mas maaga pa sa Alas-kwatro ang pagtungo sa mesa at nakatatlong platong puno ako sa tindi ng gutom. Malakas akong kumain subalit malatingting pa rin ang pangangatawan at ano kaya ang mayroon sa loob ng tiyan ko? Di kaya may naninirahang Anaconda at sa kanya lahat napupunta ang kinain?

6d-i. Pagsapit ng hapon, nagtungo muli ako sa labas at nagkumpyuter. Hindi naman makapag-concentrate sa ginagawa pagkat ang iingay at ang gugulo ng mga umuupa. Sa sobrang humaling, malapit ng dumilim ng magpasyang mag-log-out. Bago umuwi'y naisipan ko muling magtungo sa bahay nina Cathy. Pagkarating, nadatnan kong nagkakarooke sila subalit wala pa roon si Cathy. Upang di mainip sa kakahintay at dahil hilig ko din ang umawit kahit di pinagkalooban ng magandang tinig, kinapalan ko ang mukha sa pagkanta. Lumipas ang ilang sandali, sa wakas at dumating na si Cathy. Na-miss namin ang isa't isa kung kaya kamustahan at kwentuhan kaming magkumare.

6d-j. Masaya manatili sa kanila kung kaya di namalayang malapit ng mag-ikawalo, kinailangan ko ng magpaalam sa kanila. Ang kaba sa dibdib, muling naghahari sapagkat bukas na ang balak ko upang mag-enroll at bukas ko na rin makikita ang grade nitong nakaraang semester, kamusta kaya mga grado ko at sana'y maganda lahat ang kalalabasan ng mga asignatura ko. Hindi pa dinadalaw ng antok kung kaya nanood muna ng pelikula. Maya-maya'y nahiga na ko. Anong alinsangan ng panahon at nilalamok pa kung kaya hirap makatulog ng maayos. Upang di antukin, nilibang ko muli ang sarili sa paglalaro ng gadget subalit di naman epektibo upang antukin.


April 10, 2015
Friday

Year III-100

6d-k. Ang kaba na kagabi ko pa nararanasan, lalo pang umigting at patuloy ito sa pagsidhi habang napipintong malaman kung ano ang naging resulta ng aking pag-aaral. Nawa'y magkamali ako sa aking kutob. Pinipilit kong maging positibo subalit di talaga maiwasang kabahan na tipong lalamunin na ako't iyon ang pumipigil sa akin upang ituloy ang balakin. Walang magagawa kung parating pinanghihinaan ng loob at bahala na. Maliwanag na sa labas ng ako'y magising at mag-almusal. Matapos mag-agahan, diretso bihis at ligo na ako. Pagkarating ng yapak sa unibersidad, manaka-naka pa lamang ang pagdagsa ng mga estudyante at habang papalapit kung saan ang kuhaan ng grade magingenrollment ay unti-unti pang tumitindi ang kaba sa dibdib at iniisip na ipagpabukas na lamang subalit ayaw kong umatras at tatanggapin ng buong loob kung anuman ang magiging kalalabasan.

6d-l. Tila nabunutan ako ng malaking tinik sa lalamunan ng makita at makuha anggrade at kahit puro dos ay pasalamat pa rin sapagkat walang bagsak. Pagkakuha ng grade, sumunod ay nag-enroll na ako para sa NSTP at napakaikli lamang ng pila kung kaya agad din akong natapos. Kahit nakaka-tense ay nawala naman ang hiya pagkat si Ma'am Trisha ang nag-enroll sa akin at pinapalakas niya ang loob ko upang mag-aral pa ng mabuti. Ang bait niya't hiling na maging guro muli ito sa pasukan. Tutungo pa ko sa bahay ng Tita Cleo upang isauli ang hiniram na sinturon kaya di pa ko dumeretso sa pag-uwi. Pagkarating, tanging si Angelle lamang ang nadatnan ko't humaling na humaling sa pagkukumpyuter, naghuntahan muna kaming dalawa.

6d-m. Maya-maya pa'y dumating na ang Tito Lito't natutuwa naman ako sa kanya pagkat gumagaling na ito at nakakapaglakad na ng maayos. Hindi na ko nagtagal pa sa kanila at pagkabigay ng sinturon, kaagad ng nagpaalam sa kanila. Habang lulan ng Tricycle ay naasiwa ako sa asal ng tsuper sapagkat dinaig pa ang babae kung magtaray at di man lang marunong maghintay ng ibabayad sa kanya. Tila nagmamadali kaya apuradong-apurado o baka naman may mabigat na pinagdaraanan. Gayunpaman ang dahilan ay di niya dapat ibunton sa pasahero at nilawakan na lang ang pag-unawa sapagkat wala ng sasakay kung ganon siya makitungo. Parang di ko na ibig pang sumakay at gusto ng bumaba. Sa haba ng biyahe, nakaramdam ako ng gutom at diretso lantak ng nakahaing ulam pagdating sa bahay. Matapos kumain, ako'y nag-siyesta at malapit ng gumabi ng magising.

6d-n. Pagsapit ng gabi at gawa na napakaalinsangan ng panahon, naisipan kong magpahangin at magbantay na din sa tindahan. Tamang kwentuhan lamang kami ni ina habang nagbabantay sa tindahan. Natutuwa naman ako sapagkat lahat ng gustong sabihin, nailalabas ko sa kanya. Maya-maya pa, nagsara na kami't kahit paano'y nababawasan na ang init na nadarama habang lumalalim ang gabi. Bago matulog, tamang online muli sa Instagram at Facebook at di ko talaga maawat ang sarili sa sobrang humaling. Halatang naadik na nga ako. Maging litrato ni crush, di matiis na tingnan at halos mangasim ang mukha sa labis na kilig. Ng maubusan ng baterya, saka lamang nagpasyang matulog.


April 11, 2015
Saturday

Year III-101

6d-o. Malapit ng mag-ikapito ng dumilat ang parehong mata at bumangon. Ano ba ito at tila kinukutuban ako ng di maganda. Hirap malaman kung ano ito. Sa pagkakaalam ko'y wala naman ginawa kung kaya binalewala ko na lamang. Habang nagkakape, bigla akong kinausap ni Ate Cecile at tuwa agad ang umiral sa dibdib ng ipabatid na isasama niya ko sa Cagayan kapag umuwi ito. Sa tana ng buhay ko ay di pa ko nakakapunta sa Probinsyang iyon kaya nag-uumapaw ang ligaya ko't sabik na sabik subalit biglang nagbago ang lahat ng di payagan ni Mama. Makakasama sana ako, kaso may pasok na kami sa mismong araw ng pagpunta at di ako maaring lumiban, tinanggap ko na lang kung ano ang naging desisyon ni Mama't marami pa naman pagkakataon. Maya-maya, sinimulan ko na ang gawaing bahay. Linis dito, linis doon, iyon lamang ang pinagkaabalahan ko, ang kaso'y madumi pa rin kahit anong linis pagkat bumabalik ang alikabok.

6d-p. Matapos maglinis sa loob ng bahay, pagbabasa ng bibliya ang sunod na inatupag. Nakaramdam lamang ako ng konting kilabot ng basahin ang Pahayag at hirap paniwalaan na lahat ng nakatala doon ay nagaganap na at maaaring mangyari sa hinaharap. Naniniwala ako sa bibliya pero di ko maiwasang matakot kapag naniniwala.  Pagsapit ng hapon, panonood naman ng Video ang pinaglibangan ko. Ang takot sa kalooban, di ko mapigil habang pinapanood ang pelikulang Wrong turn at ayaw kong tumingin pagkat karumaldumal ang pagpaslang sa mga biktima at tila wala silang kululuwa kung gawin iyon. Bukod pa roon ay parang hayop kung lamutakin ang lamang loob ng tao at sa lahat ng horror movie na napanood ko'y iyon ang Worst.

6d-q. Maya-maya'y hapunan na at sa tuwing sasagi sa isipan ang eksenang iyon ay napapatayo ang balahibo ko sa takot at tila di na ibig ang kumain pagkat ako'y nandidiri subalit magugutom at magkakasakit naman kapag di ako kumain. Naiwaksi naman sa isipan ko ang ganong alaala at sa gutom na rin, naging magana pa din sa pagkain. Pagsapit naman ng gabi, ang takot sa dibdib ay napawi at pumalit naman ang saya habang pinapanood ang Your Face sounds Familiar. Sa kulit umakto ng mga Celebrity habang nanggagaya'y nawalan na ko ng hiya sa pagtawa't nakakaenganyo silang panoorin. Hindi pa ko inaantok, kung kaya tamang laro muli ng Gadget at iyon ang pinagpuyatan ko. Eksakto Alas-dose na ng maisipang matulog.


April 12, 2015
Sunday

Year III-102

6d-r. Napakaganda ng napaginipan ko at iyon ay nagtungo raw kami sa Cagayan. Habang nasa biyahe'y namangha ang mata ko ng makita ang iba't ibang magagandang tanawin at para ba gang nakarating ako sa ibang mundo. Hiling ko lang na magkatotoo ang napaginipan ko at makapunta na nga roon, upang sa gano'y makilala ko ang iba pang mga kaanak.  Ang magandang panaginip ang siyang nagbigay kulay sa umaga ko't pakiramdam ko ngayon, nag-uumapaw ang sigla sa dibdib at tila bagang sasabog ako sa tuwa. Kaagad kong naibahagi kila Mama ang tungkol sa napaginipan ko, kaso may sinabi ang ate na siyang ikinahina ko't mananatiling pangarap na lamang  daw ang pagpunta ko doon. Ipinagsawalang bahala ko ang kanyang sinabi't umaasa pa rin na makakarating ako doon. Gawa na may pinuntahan sila Mama, ako muna ang pansamantalang nagbantay sa tindahan. Napapansin ko lang na kapag ako ang namamahala, napakatumal ng pagdating ng mga mamimili samantalang sunod-sunod kapag si Mama.

6d-s. Ang nakakairita pa, biglang darating ang mamimili kung kailan nasa loob ka ng bahay at may ginagawa. Tila marahil pinaglalaruan ako ng kapalaran. Sumigla naman ang bentahan kinalaunan subalit mukhang naisahan ako ng isang mamimili. Sabi niya'y magbabayad ito kapag nakapamili na't kaya ibinigay ko na sa kanya kung ano ang binibili subalit di na ito bumalik. Napakatanga kong nilalang at di ko dapat siya pinagkatiwalaan. Mabuti na lamang, namukhaan ko ito at sisingilin ko siya kapag bumili ulit. Habang nagtitinda, pagbabasa ang siya kong inatupag, ng sa gano'y lumawak ang kaalaman at di mabato. Kung anumang bagay ang napagdadaanan ko ngayon, umaasang malalampasan at pipilitin kong maging matatag.

6d-t. Bago sumapit ang tanghali ng makabalik sila Mama bitbit ang pinamiling Fried Chicken at iyon ang naging pananghalian namin. Sa sarap at lutong nito, hindi ako naging mahinay sa paglantak at halos di na maigalaw ang katawan sa labis na kabusugan. Batid kong mali ito pero sa takot na masermunan ng walang humpay, inilihim ko kay mama ang tungkol sa nangyari kanina. Maya-maya, sa di inaasahan ay bigla na lamang kami nagkaroon ng kaunting hidwaan ni ina dahil lamang sa di pagkakaintindihan ukol sa pagbebenta ng yelo. Bakit kasi sasabihin niyang walang yelo samantalang sa pagkakaalam ko'y mayroon pa't pinapalabas pa na nagsisinungaling ako. Hindi ako natuwa sa ginawa niya at sa inis ay nagawa ko itong sagutin.

6d-u. Nagpapakatotoo lang naman tapos minamasama pa niya. Mabuti na lamang, di tumagal ang hidwaan namin. Kinahapunan at ng mapansing di na nakakapaso sa balat ang sinag ng araw, lumabas ako't naisipang magkumpyuter. Naghihingalo na ang liwanag ng matapos sa pagkukumpyuter at bago umuwi, nagtungo muna sa bahay nina Tita Arlene. Saktong nadatnan kong naroroon si Nessie maging sina Lola Lydia at Lolo Pinong subalit wala sina Jaypee at Gio. Sa tagal ng panahon na di kami nagkikita ni Nessie buhat ng pagkabata, kamustahan at huntahan kaming dalawa. Medyo lumalalim na ang gabi at gustuhin ko pa man manatili sa kanila, kinailangan ko ng umuwi.

6d-v. Pagkauwi'y panonood agad ng Video ang siya kong inatupag. Habang pinapanood ang Apocalypto, inis ang umiral sa dibdib at mas masahol pa sa Death march ng paglakarin ang mga alila ng napakalayo habang sakbit sa balikat ang napakabigat na troso at matitira kung sino ang matatag. Bukod pa roon, napakasadista din ng pinuno't parang hayop kung dukutin niya ang puso ng mga bihag sabay pupugutan pa ng ulo. Grabe at nakakasuka't nakakadiring panoorin ang pelikulang iyon. Sa haba ng pelikula't enganyo na din, di namalayang Alas-dose na pala. Hinintay ko munang matapos ang pelikula bago matulog.


April 13, 2015
Monday

Year III-103

6d-w. Matapos ang dalawang araw na pamamahinga and spend the time to bonding with your Friends, balik trabaho muli ngayong Lunes at tila nakakabitin kung iisipin. Pagmulat ng dalawang mata'y tinig ng may edad ang agad kong naulinig at di naman lubos maunawaan kung ano ang binibigkas. Tila pamilyar sa akin ang tinig na iyon at ito'y mahinahon na minsan ay dumidiin. Pagkabangon, nakarating na pala ang bisita namin galing Cagayan na sila Auntie Virgie. Bukod sa kanya'y may kasama pa itong dalawang bata na sina Janella at Zyriel. Kinilala ko sila't di akalaing pamangkin ko na pala ang mga ito. Ang dala nilang pasalubong ang naging agahan namin at sa sarap at linamnam, di ko maawat ang bibig sa paglantak at bago lamang sa panlasa ko ang karamihan sa produktong dala nila. Pagkatapos mag-agahan, kaagad na kong nagbantay sa tindahan.

6d-x. Kwentuhan sina Mama, Ate Cecile at Auntie Virgie, hindi ko naman maunawaan kung anong pinag-uusapan pagkat Ilokano't out of place tuloy ako. Ang dalawa ko namang pamangkin, tila naninibago't kung ano-ano ang kinakalikot. Kinausap ko sila, nakakaintindi naman ng Tagalog ang kaso'y di magawang umimik at di makatitig ng diretso, marahil ay nadudungo. Ano ba ito at sa aming magkakasama, ako ang bukod tanging walang alam sa dayalekto nila. Maya-maya pa, tanghalian na, salo-salo kaming magkakamag-anak sa hapag-kainan. Pagsapit ng tanghaling tapat maging sa hapon, napakasama ng init ng panahon at nakakabigay pa ng sakit sa ulo. Ilang sandali, nag-aya si Auntie Virgie na dumalaw sa bahay nila Tita Arlene. Nakakatamad lumabas pagkat mainit subalit dahil may edad na at di na kayang maglakad ng mag-isa, sinamahan ko si Auntie Virgie sa pagtungo sa kanila.

6d-y. Sa tindi ng init na malapugon, labis akong pinagpawisan pagkarating namin doon. Animoy ilang dekada ng di nagkikita kung magyakapan sina Auntie Virgie at Lola Lydia. Magtatagal pa sana ako subalit naiinip na si Janella, agad na kaming umuwi at nagpaiwan si Auntie Virgie. Bumalik naman kami kung kailan malapit ng gumabi upang sunduin si Auntie Virgie. Nadatnan naming sayang-saya si Auntie Virgie sa paglalaro ng baraha. Ilang sandali pa, lumakad na kami pauwi. Ang bahay na kanina'y payapa, umingay dahil sa dalawa kong makulit na pamangkin. Kahit nasa hustong edad at sa halip na sawayin, upang maaliw ay nakipagharutan at kitian ako sa kanila. Biglang sumagi sa isipan ko ang tungkol sa kabataan habang ginagawa iyon at nakaramdam ng kaligayahan sa dibdib. Masyado ng magulo ang bahay kung kaya sinaway ko na ang mga ito. Anong init pa rin ng panahon kahit sumapit na ang gabi. Maya-maya, bumuhos ang ulan subalit bahagya lamang at di naging sapat upang maibsan ang malaimpyernong lagay. Sa pagod at antok, napaaga ang pagtulog ko. 


April 14, 2015
Tuesday

Year III-104

6d-z. Kakaibang sigla muli ang naramdaman ko pagkagising at pakiwari'y napakakulay ng umaga. Habang nagmumukmok sa iisang tabi, inudyok muli ako ng Auntie Virgie na magtungo naman sa bahay nila Auntie Andrea. Mabuti na lamang at nasa Mood ako kaya ganadong-ganadong magtungo roon. Pagkarating namin doon, si Tito Allan lamang ang nadatnan namin samantalang tulog pa ang mga tiyuhin at tiyahin ko. Kwentuhan muna kami habang hinihintay si Auntie Andrea. Maya-maya pa, dumating na si Auntie Andrea. Panay ang kwentuhan ng dalawa, ang kaso di ko naman lubos maunawaan. Sa kagustuhang matutong mag-Ilokano, pinapakinggan ko na lamang kung anong sinasabi nila kaso di ko talaga maunawaan at ang bibilis pa magsalita.

6e-a. Buti na lamang, bumangon na ang mga Tiyahin ko't sila ang sumalba sa pagiging Out of place ko. May pupuntahan pa kami, kaya di na nagtagal pa kina Auntie Andrea. Pagdating sa bahay, kaagad na kaming kumain at nagbihis. Magkahalong tuwa at sabik ang nararanasan sa dibdib pagkat tutungo kami ngayon sa SM. Pagkasakay namin sa Jeep, laking gulat ko na lamang ng matuklasang nawawala ang Cellphone. Parang gulay ang dibdib ko na unti-unting nalalanta dahil sa panghihinayang at laking pagtataka ko kung paano iyon nawala. Panay ang halungkat ko sa bag maging sa bulsa, nagbabakasakaling masusumpungan ito subalit wala.

6e-b. Ano ba ito at sa halip na maging masaya ang bonding namin nina Ate Cecile ay maauwi lamang sa labis na pag-aalala at wrong timing naman ang pagdating ng problema. Halos ikasira na ng tuktok sa labis na pag-aalala. Pagdating sa SM North EDSA, dali-daling nagpa-load ang Ate Cecile at kinontak ang number ng Cellphone ko. Inigtingan ko ang pagdadasal habang tinatawagan ng pinsan ko't saktong may sumagot naman. Tila nabunutan ng tinik at nabuhayan ako ng loob pagkat ang nakapulot ay mabubuti ang loob at kamag-anak pa nina Ate Melon. Nangako naman siya na ibabalik angCellphone. Akala ko, mawawalan ulit ng cellphone at laking pasalamat ko sa maykapal pagkat hindi niya hinayaan na mawala iyon sa akin.

6e-c. Maya-maya, nagtungo na kami sa Toy Kingdom upang katagpuin ang iba pang kaanak. Sina Kuya Dado pala ang nadatnan namin pagkarating doon. Tumungo na agad kami sa Toms World. Kahit binata, nagawa ko pa rin maglaro ng palaro roon at labis akong naaliw. Mga dalawang oras din kami naroroon at halos maubos na ang pera sa kakabili ng Token. Sa kakalaro, bahagyang kumalam ang sikmura, kumain muna kami sa Jolibee. Balak pa sana namin igala ang sarili kung saan-saan, kaso pagod na raw si Auntie Virgie, kinailangan na namin umuwi. Pagkauwi, lalo pang nadagdagan ang tuwa sa dibdib ng makitang naibalik na ang Cellphone at laking pasalamat ko talaga kila Ate Melon. Sa pagod, natulog muna ako. Pagkagising ay saktong naririto na ang Tita Susan galing Batangas at ito'y may kasama. Kaagad akong nanalubong sa kanila.  Mukhang dumarami na ang bisita sa aming bahay at sa dami, wala na halos matulugan at mistulan ng sardinas ang sitwasyon. Kahit na ganon, masaya pa rin.


April 15, 2015
Wednesday

Year III-105

6e-d. Sa antok at dala na rin na malamig ang panahon, di ko pa ibig imulat ang mga mata. Pakiwaring ako na lamang ang di pa bumabangon sa aming magkakasama at dinig ko na ang maingay nilang pag-uusap, bumangon na ko. Kakapasok pa lang ng Alas-sais subalit napakaliwanag na sa labas at di gaya sa ibang panahon na tila di pa sumisikat ang araw. Sa halip na kumain ng agahan, nagkape lamang ako. Maya-maya'y dumako na ko sa tindahan at nagbantay muli. Nakakawalang ganang magtinda kung mahina naman ang benta at kung may bibili, puro mga bata't piso lang naman ang ibinibigay kung kaya nakakatamad pagbentahan at tagal-tagal pa mamili. Kaya minsan, sinusubukan kong habaan ang pasensiya kapag sila ang bumibili subalit di maiwasang mairita at masigawan sila.

6e-e. Habang nagtitinda, ang Tita Susan, kapansin-pansing kahapon pa matamis ang pakikitungo sa kasamahang Lalaki at tila nakikita kong may Something sa kanilang dalawa. Kung maghawakan ng kamay at maglambingan sa isa't isa, parang dinaig pa ang PBB Teens. Hindi na bagay para sa kanila ang gawin iyon pagkat matatanda na subalit nauunawaan ko ang Tita, tumanda ba namang dalaga't kung kailan ba naman nagkakaedad na'y saka pa nagkaroon ng kaluguyo. Ibig ko sanang alamin kung kasintahan niya ba ang lalaking iyon, subalit pinanghinaan ako ng loob. Patuloy ko silang pinagmasdan kung paano ang lampungan nila't halos guyamin na sa sobrang tamis. Bahagya akong nakaramdam ng gutom subalit di pa kaagad kumain pagkat wala pang naluluto, naghintay muna ako't walang ginawa kundi magtiis. Maya-maya, tanghalian na't sige lamang ako sa paglantak hangga't may mahihita. Kinahapunan, ibig ko sanang ipasyal ang sarili sa labas subalit tinatamad ako, panonood na lang ng pelikula ang inatupag ko.

6e-f. Sa sobrang humaling ko sa panonood at tutok ng mata, pinagpawisan ako't di namalayan ang paglipas ng mga oras. Kahit na ganito lang ang araw ko, nanatili pa ring maligaya. Bago pa man kumagat ang gabi ang biglang pagdating ng iba pa naming kaanak na sila Ate Madelyn at Kuya Dado bitbit ang iba ko pang pamangkin. Sa dami ng kamag-anak ko na nakatira sa iisang bubong, siksikan na halos kami at naging maingay na ang buong bahay subalit masaya. Iniisip ko na tuloy kung saan ako matutulog at mukhang kukulangin na sa higaan, sa dami ba naman naming magkakamag-anak. Bago matulog, nanood muli ako ng pelikulang pinamagatang Tataynic at di ko mapigilan ang bibig sa paghalakhak. Bawat eksena'y punong puno ng katatawanan at kalokohan, ang husay talaga magpatawa ni Comedy king Dolphy. Hango din ang pelikulang iyon sa Titanic na humakot ng maraming parangal sa Oscars at nakakawiling panoorin. Kahit malasardinas na ang sitwasyon sa dami namin, naging matiwasay pa rin ang pagtulog ko.


April 16, 2015
Thursday

Year III-106

6e-g. Kasing sarap ng pagkaing pangmayaman ang tulog ko at pagkagising, ako na lamang pala ang nakahiga kung kaya bumangon na rin. Karamihan sa kamag-anak ko'y puro taga-norte na Ilokano ang siyang dayalekto kung kaya di ko maintindihan kung ano ang turan nila. Maging mga pamangkin ko, di makausap ng matino pagkat di matatas kung mag-tagalog. May ilang salita rin akong nakakalap na alam ang kahulugan kaya nauunawaan subalit babahagya lamang at tila balagtasan silang mag-usap dahil may punto ito at mabilis. Sa tuwing mabibigla'y natatawa ako sa ekspresyon nila't nagiging literal ang kahulugan sa akin. Maya-maya, nag-aya muli si Auntie Virgie na tumungo sa bahay ng kaanak. Sa totoo lang ay tinatamad ako pero dala ng hiya, labag man sa kalooban ay pumayag pa rin ako't sinamahan sila. Sa bahay ng Auntie Cleng naman kami bumisita.

6e-h. Ilang buwan na rin akong di nakakabisita sa kanila at nakikitang marami ng nagbago sa bahay nila. Nagsama-sama ang mga pamangkin at pinsan ko na pawang paslit kung kaya naging maingay at magulo. Ilang sandali pa, umalis na kami at sa bahay naman nila Tita Arlene sunod na nagtungo. Nadatnan naming abala sa pagtatahi ang Lola Lydia samantalang pagkukulwit naman ng kanya-kanyang gadget ang mga pinsan ko. Balak pa sanang dayuhin maging ang bahay nila Auntie Andrea subalit pagod na ang iba ko pang kasamahan, umuwi na kami. Ibang klase din ang Auntie Virgie at gusto marahil ay i-tour ko sila sa bahay ng mga kaanak. Sa kakalakad, maski ako'y nakaramdam ng pagod.

6e-i. Ang bahay na dati'y payapa, nababalutan na ngayon ng ingay dahil sa mga maliliit kong pamangkin at tila walang kasawa-sawa sa pakikipagharutan. Mistulan na tuloy Playground ang bahay namin at kahit anong saway, di natimo, siyempre bata nga.  Pagsapit ng tanghali'y napakatindi ng alinsangan ang aming naranasan. Sa init, halos lahat sa amin ay tumambay sa labas, makalanghap lang ng preskong hanging. Tuwa ang umiral sa kanya-kanyang mga dibdib ng makitang nagbabadya ng umulan. Akala namin, makakaahon na mula sa init subalit hindi naman pala pagkat di natuloy ang ulan. Ipinahid ko na nga ang yelo sa katawan, maibsan lang ang malaimpyernong pakiramdam, kaso nagmistulang basang sisiw naman ako.

6e-j. Pagsapit ng gabi, ano ba ito at tinamaan muli ako ng pagkabato at walang maisipang gawin. Panonood muli ng pelikula ang inatupag ko. Halos ikawasak ng puso ko ang palabas ng makitang walang awang pinapahirapan ng mga Hapon ang mga Pinoy at puro patayan na ang nagaganap. Grabe pala ang hirap na dinanas ng mga Pinoy sa kamay ng mga Hapon at mas masahol pa sa demonyo ang pag-uugali nila. Mabuti na lamang, may nabubuhay ng matatapang at walang takot na ipinagtatanggol ang kanilang bayan. Tila bulang naglaho ang ngitngit sa dibdib ng dumating ang mga hukbong Amerikano at sanib-pwersang pinabagsak ang mga Hapon. Sa labis na humaling, di napansing ako na lamang pala ang gising sa aming magkakasama, natulog na din ako.


April 17, 2015
Friday
Year III-107

6e-k. Hindi pa man sumisikat ang bukangliwayway, dinig ko na ang malakas na tinig nila ina't hala ang sige pa sa halakhakan. Namamayani na ang ingay sa loob ng bahay kung kaya bumangon na ko. Manamis-namis na Suman na gawa nila Auntie Virgie ang naging agahan namin. Iba talaga ang sarap kapagIlokano ang nagluto't sa sarap, tila di ko magawang magtira para sa kasamahan. Matapos kumain, naupo muli sa tindahan at nagbantay. Puro kapwa Ilokano talaga ang kasamahan sa bahay kaya patuloy kong nadidinig ang dayalekto nila, ang kaso ay sila-sila lamang nagkakaunawaan at parang wala ako sa Maynila. Habang nagtitinda'y pagpe-Facebook ang pinagkaabalahan ko. Nang makapag-upload, laking gulat na lamang ng aksidenteng mai-tag kay Mama at Ate Cecile ang mga litrato. Panay ang paliwanag at paghingi ng paumanhin ko subalit di ako pinakinggan ni ina't nagpamalas pa na ng mapupusok na salita.

6e-l. Kay babaw lamang ng dahilan, nag-away pa kami ni ina't iyan ang problema sa kanya, hindi marunong umunawa sa paliwanag at parating pinapairal ang bugso ng damdamin. Nayayamot na ko sa kanya kung kaya kahit may mga bisita, nagawa pa ring makipagpalitan sa kanya. Sabihin mang nakakahiya ang ginawa, basta ang mahalaga'y di ako naging plastik at maigi ng ilabas ang totoo mong kulay. Masisi ba naman ako kung magiging ganoon ang reaksyon ko. Kinalaunan, humupa naman ang hidwaan namin ni ina't tila walang nangyari. Pagsapit ng tanghali, pansamantala akong natulog. Sadyang napakainit ng panahon kung kaya basang-basa na ng pawis pagkagising. Matapos namin mananghalian, kanya-kanya ng bihis at pag-aayos pagkat tutungo kami ngayon sa Mall of Asia. Unang beses ko pa lamang makapunta sa MOA kung kaya nag-uumapaw na ang sabik at ligaya sa dibdib. Bukod pa roon ay ora-orada kaming magkakamag-anak na mamamasyal sa MOA at kay saya naman. 

6e-m. Mga dakong ikaapat na ng makarating kami sa Mall of Asia at nanlaki ng husto ang mata ko pagkat sa labas pa lamang, makikitang napakalawak ngMall. Naglibot-libot at nagkuhaan pa kami ng litrato. Pagdako sa likuran ng mall, tumambad sa amin ang magagandang tanawin ng Manila bay at di mahulagang karayom ang dami ng Tao. Sa tabi ng dagat, may iba't ibang mga rides din at nakakaenganyong sumakay subalit butas ang bulsa ko. Sa lawak ng mall, marami kang maaring pasyalan. Sa kakapamasyal, nakaramdam kami ng gutom at sa KFC naisipang kumain. Medyo nakakasawa na ang Chicken joykaya Chicken ala-king ang inorder ko. Sa tagal lutuin, tapos na silang lahat sa paglantak ngunit heto ako't nganga pa rin sa kakahintay.

6e-n. Pagkahain at kahit may kasarapan, di ko na-enjoy pagkat kailangan ng magmadali at tila challenging ang aking pagsubo. Matapos kumain, tumungo naman kami sa Coastal Area upang abangan ang engrandeng Fireworks display. Pagkatungo, nagsimula ng sumiklab ang Fireworks at tutok ang lahat ng manonood sa kalawakan. Sa ganda at makulay nitong ilaw habang sumasabog, labis ang halina ko subalit nakakabitin pagkat saglit lamang iyon. Maya-maya, humiwalay na sa amin sila Kuya Dado at nagpasya ng lisanin ang Mall of Asia. Kahit di gaanong nagtagal sa Mall, isa ang araw na ito sa pinakamasaya at di ko malilimutan dahil nakapunta sa pinakamalawak na Mall sa buong Asya. Naabutan na pala kami ng Rush hourkaya naipit na sa mabigat na trapiko sa kahabaan ng EDSA. Sa tagal na babad ang sarili sa Bus, nahilo na ko at ibig ng bumaba. Malapit ng sumapit ang Alas-onse ng makarating sa bahay. Bagsak kaming lahat at sa labis na pagkamugto ng mata, kaagad akong natulog pagkabihis. Kahit malabo ng makapunta muli sa MOA, sana'y maranasan ko ang di pa nararanasan at napupuntahan sa tana ng buhay.


April 18, 2015
Saturday

Year III-108

6e-o. Lugmok talaga ang mga mata sa tindi ng antok, kung kaya maliwanag na sa labas ng magsigisingan at bangon kami. Ang taglay na ganda ng Mall of Asia, patuloy pa rin nakatatak sa isipan at namumutawi ang saya sa dibdib kapag binabalik tanaw ang mga masasayang sandaling naroroon. Minsan lang dumating ang espesyal at masayang araw sa buhay kaya huwag ng mahiyang sulitin. Mga dakong Alas-Siete na ng ako'y bumangon. Bahagyang tumahimik sa loob ng bahay pagkat nabawasan na kami ng bisita, bahagya tuloy lumungkot. Mabuti na lamang, naroroon pa sila Auntie Virgie at ang dalawa ko pang pamangkin at sila ang pumaram sa lungkot. Gawa na batong-bato, naisipan kong tumungo sa labas at nagkumpyuter. Tanghaling tapat na ng ako'y makauwi.

6e-p. Ang dalawa kong pamangkin, kanina pa tutok ang mata sa Laptop at tila walang kasawa-sawa sa panonood ng Cartoons. Maigi ng iyon ang maging libangan nila kaysa maging magulo. Maya-maya at sa antok, nag-siyesta muna ako. Hindi naman makatulog ng maayos pagkat maalinsangan at ang iingay pa ng mga pamangkin ko, hindi ko na ipinagpatuloy pa ang pagsisiyesta. Sa Lunes na magsisimula ang Summer Class at habang may nalalabi pang panahon ay sinulit ko na ang magbakasyon. Maghapon kong itinutok ang mata sa Cellphone at di mapigilang humalakhak sa nakakatawang babasahin. Habang humaling sa pagbabasa ng Jokes, biglang nagsilapitan si Janella at Zyriel.

6e-q. Sila ang nagbigay aliw sa hapong batong-bato at sa halip na sawayin ang kakulitan, para akong bata kung makipagharutan sa kanila at ngayon lang napagtanto na sila ang nagbibigay saya sa nalulumbay kong buhay. Habang tumatagal na kasama sila sa bahay ay unti-unting napapalapit ang loob ko at tila malapit ko ng ituring na nakakabatang kapatid. Maya-maya, kasama si Janella ay photo editing ang naisipang naging libangan at nakakatuwa naman pagmasdan pagkatapos i-edit. Bonding kaming magtito habang ginagawa iyon. Kinagabihan at gawa na di pa inaantok, naisipan munang maupo sa labas at magpahangin. Dis-oras na ng gabi, subalit marami pang kabataan ang pakalat-kalat sa lansangan, ang ingay tuloy ng kapaligiran. Pagkapasok sa bahay, Alas-onse na pala at himbing na sa pagtulog ang lahat ng kasamahan ko maliban sa akin.


April 19, 2015
Sunday

Year III-109

6e-r. Huling araw ng aming bakasyon bilang kolehiyo at huling araw din ng pamamalagi nina Auntie Virgie sa aming bahay. Kahit may kakulitan at ngayon lamang nagkakilala ay medyo napalapit na din ang loob ko kila Janella kung kaya di maiwasang malungkot habang napipinto na ang kanilang pag-alis. Sa sobrang pagka-miss, sinulit ko na ang natitirang sandali upang makapiling si Janella at nagawa ko na ngang isama at ipasyal-pasyal ng utusan ni ama na bumili ng gamot. Habang di pa sila tuluyang nakakaalis ay ibinigay ko sa kanya ang mga litrato bilang remembrance maging sulat. Maya-maya pa, kinailangan na naming magpaalam kila Auntie Virgie at hanggang may masasabi ay lakas loob ng inilalabas. Kasabay ng kanilang pag-alis ang paghahari ng katahimikan sa buong bahay at nakakapanibago.

6e-s. Sa mga oras na iyon ay tuluyan na akong nilamon ng lungkot sa dibdib. Malungkot ako sapagkat wala na ang mga pamangkin na nagpapasaya sa akin araw-araw at mami-miss ko sila ng husto. Sa lungkot, nagmukmok ako sa kwarto at itinulog na lamang. Di pa rin naibsan ang lumbay pagkagising, naisipan kong magtungo sa bahay ng kaibigang si Cathy. Sa saya ng aming kakwentuhan, parang bulang napawi ang lungkot at nakalimot na nga ang isip. Sa pananatili ko sa kanila'y puro pagkuha at pag-edit lamang ng litrato ang siya naming inatupag at halos maubusan na nga ang baterya ng Phone sa kakagamit. Hindi ko na nga ibig pahiramin si Cathy subalit bilang pakikisama'y pinagbigyan ko na ito. Ilang sandali makalipas, pansamantalang umalis sila Ate Ging at Kuya Wilson at kaming tatlo na lamang ang natira.

6e-t. Sa pag-alis nila ang pagsisimula ng pagmamaktol ni Jaka at halos ikarindi ko ang paghagulhol nito. Gumawa ako ng paraan, mapatahan lamang ito subalit di naging epektibo at nananakit pa. Pagkabalik nila Ate Ging ay sunod-sunod na hataw ng pamalo ang inabot ni Jaka at bukod pa roon ay sinisigawan pa. Singbagsik pala ng tigre kung magalit si Ate Ging at nakakatakot ang paraan ng pagdidisiplina niya. Habang pinapalo'y naalala ko nung bata pa't ganyan na ganyan din kung paluin ng magulang pero gamit ay sinturon, minsan ay yantok pa nga. Mapalad si Jaka pagkat hanger lamang ang ginamit na pamalo sa kanya. Nasundan pa ang pangyayari ng biglang nagkaroon ng alitan si Ate Ging at Kuya Wilson dahil lamang sa di pagkakaunawaaan.

6e-u. Di na sila nahiya at nag-aaway pa sa mismong harapan ng bisita. Ibig ko ng umuwi pagkat ang gugulo ng pamilya nila, subalit di ko itinuloy pagkat ayaw kong isipin nila na sariling kasiyahan lang ang itinungo sa halip na pakikisama. Nanatili pa rin ako kahit di ko na nagugustuhan ang sitwasyon sa kanila. Hindi naman nagtagal ang hidwaan nilang mag-asawa. Maya-maya, naglaro kami nila Cathy ng Chain Reactions at nakaka-tense kapag ang 'yong weapon ay unti-unting nauubos. Kahit parating nabibigo, naging masaya pa rin ang paglalaro namin. Madilim-dilim na sa labas ng magpasyang umuwi. May pasok na kami kinabukasan, di pa man dinadalaw ng antok subalit kailangan ng matulog pagkat maaga pa magigising. Sino-sino kaya ang magiging kamag-aral at Professor ko at sana'y di panghinaan ng loob na makihalubilo sa kanila.


April 20, 2015
Monday

Year III-110

6e-v. Naninibago lamang ako sapagkat unang beses pa lamang dumating sa akin bilang buhay estudyante ang pagkakataong magkaroon ng klase sa mismong panahon ng Summer. Sa halip na ilaan ang panahon na ito sa pagbabakasyon ay puyat at pagod ang maaring bunuin dahil sa NSTP. Mga dakong Alas-Singko na ng magpasyang bumangon at mag-almusal. Habang di pa nakakarating ang yapak sa eskwela, panay ko ng inihahanda ang sarili sa mga bagong kamag-aral na aking kakaharapin at makakasalamuha. Hiling ko lang na maging mabuti ang pakikitungo nila sa akin. Habang lulan ng Jeep, saktong nakasabay ko si Eric. Makalipas ang anim na buwan ay ngayon lamang kami nagkita. Nag-uumapaw ang tuwa ko ng ipabatid na magiging kaklase ko ito sa NSTP. Pagdating sa silid, tila namamalik mata ako pagkat karamihan sa mga kamag-aral ay puro taga-Dash 1 at di ako makapaniwala. Lalo pa kong nabuhayan at nagagalak pagkat maging si Anne Rose at Ella ay naroroon din, wala nga lang si Enzo at Jed pagkat napunta sa ibang dash.

6e-w. Halo-halo ang mga kaklase ko at karamihan, nanggaling sa iba't ibang Dash. Nagkaroon lamang ng kaunting pagkadungo sa dibdib pagkat ako lamang ang bukod tanging naka-uniporme, gayunpaman ay binalewala ko na lamang iyon. Habang di pa pumapasok ang magiging professor ay samu't saring boses na ang nauulinig at ang ingay na. Biglang namayani ang katahimikan ng pumasok angProfessor at siya si Sir Esguerra. Nagkaroon lamang ng Orientation sa unang araw ng klase at itinalakay ang tungkol sa NSTP. Sa kanyang mga sinabi ay mukhang magiging interesting ang Summer Class subalit puro community service at panggawaing bahay marahil ang magiging aktibidad. Maya-maya, nauwi na sa tawanan ang kaninang seryoso’t mahalagangorientation at nakakaaliw siya maging guro. Bukod pa roon ay mabait pa ito at pwedeng lapitan kung may kailangan ka sa kanya.

6e-x. Sa halip na Alas-dyis y medya pa ang dismissal time, malapit pa lamang sumapit ang ikasampo ng kami'y kanyang pinauwi. Masyado pang maaga kaya naisipan munang mamasyal subalit mas pinili ko ng umuwi. Malapit ng magtanghaling tapat ng makarating sa bahay. Tagaktak ng husto ang pawis sa tindi ng nadaramang init at nakakabigay pa ng sakit sa ulo. Balak ko sanang magtungo muli sa bahay nila Cathy, subalit ipinagpaliban muna pagkat nakakapaso na ang init sa labas. Matapos mananghalian, ako'y nag-siyesta. Sa takaw matulog, malapit ng dumilim ng ako'y magising at dama pa rin ang napakaalinsangang panahon. Sa init, ibig kong maligo subalit baka dapuan naman ng sakit-sakit kaya di na itinuloy pa ang balak. 

6e-y. Maging sa pagsapit ng gabi'y nanatiling mainit at nakakagimbal ang mga naitatalang temperatura ng PAGASA pagkat mala-lagnat. Maalinsangan na nga ang panahon, nagkaroon pa ng Brownout at nakakairita. Hindi pa ko inaantok kung kaya nagpahangin muna sa labas. Maya-maya pa, naisipan ko ng mahiga. Sa init, nahirapan akong matulog at panay ang aming paypay, tapos malamok pa't kung kaya di maiwasang mangamot at halos magkasugat-sugat na ang balat. Daming hassle talaga na aming kihakaharap ngayong gabi at mukhang matatagalan pa bago makatulog ng tuluyan.


April 21, 2015
Tuesday

Year III-111

6e-z. Hating-gabi na at dahil sa nararanasang init, di pa rin ako makatulog. Marami ring mga lamok ang nagliliparan at nakakairita ang kanilang tunog. Hindi pa rin naibabalik ang kuryente kaya nanatiling balot sa dilim ang buong komunidad. Mga dakong Ala-una ng makatulog. Pagkagising, Alas-singko na pala. Mugto pa ang mga mata sa antok at ibig ko pang matulog, kaso may pasok pa kami at kinailangang labanan ang antok. Naging pupungas-pungas tuloy ako sa pagkilos. Sina Anne Rose pa lang ang nadatnan kong nasa silid pagdating sa eskwela. Kanya-kanyang buka lang ng bibig habang di pa pumapasok si Sir Esguerra. Maya-maya'y pumasok na ito. Tungkol sa pag-uugali ng mga Pilipino ang itinuro nito. Bukod sa magaling magturo at mabait, tila nawawala ang takot sa dibdib ko kapag siya ang professor, kaya ng recitation ay napapadalas ang pagtaas ko ng kamay. Tinuturuan niya rin kami kung paano panatilihin ang tiwala sa sarili at alisin ang mga pagdududa.

6f-a. Dati-rati, napakaduwag ko at parating pinapangunahan ng takot, kaya ang resulta ay nahihiya akong gawin ang isang bagay na ibig gawin at napanghihinaan ng loob na makipag-usap sa kapwa. Iniisip ko kasi parati, baka balewalain nila ako at may takot sa dibdib na danasin iyon. Pero ngayon, susubukan kong baguhin ang sarili at aalisin ang hiya. Mahirap man gawin pero susubukan ko pagkat may tiwala ako sa sarili. Matapos magtalakay ni Sir Esguerra, inanunsyo niyang magkakaroon kami ng Stage play at kami ay nagpangkat-pangkat. Usap-usap kung ano ang gagawin at kanya-kanyang isip kung anong magiging takbo ng dula-dulaan.

6f-b. Naku naman, di ko akalain na mayStage play din sa NSTP. Maya-maya, balikan na sa kanya-kanyang upuan at panibagong lesson muli ang itinuro sa amin ni Sir. Tama si Sir, maigi ng magpakatotoo ka na ikaw ay isang mangmang, kaysa naman ipagiitan na ikaw ay magaling kahit di naman dahil katangahan iyon. Di porket mahina ang kukote'y wala ng mararating at di iyon basehan kundi nasa pagsisikap iyan. Matalino ka nga, kung tamad naman ay useless din at hanggang diyan lang ang mararating mo. Ilang sandali pa, uwian na. Tuwa ang namayani sa dibdib pagkat may kuryente na pagdating sa bahay. Kaarawan rin ngayon ng aking butihing ama at naghanda kami. Tanging Pizza at Palabok lamang ang naging handa namin at buong pamilya namin iyon pinagsaluhan.

6f-c. Sa sarap ng Pizza at dala na rin ng gutom, di ako naging mahinay sa pagkain at sige sa pagbanat hangga’t may nakikita. Pagsapit ng tanghali, malapugon muli ang init ng panahon at sana'y umulan na. Mukhang dininig naman ng Maykapal ang kahilingan ko at pagsapit ng hapon, biglang dumilim ang kalangitan at umihip ang napakalakas na hangin. Ilang sandali pa'y bumuhos na ang ulan. Halos zero visibility na ang kapaligiran dahil sa lakas ng ulan at animoy bagyo sa tindi. Ang takot, muling umiral sa dibdib dahil sa nararanasang pagkulog at pagkidlat. Humupa naman ang pag-ulan makalipas ang dalawang oras. Kahit paano'y nakatulong iyon upang maibsan ang nararanasang init. Balak sanang maglakwatsa, kaso'y di ko itinuloy dahil sa sungit ng panahon. Pagsapit ng gabi, panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Pangalawang araw pa lamang  namamayagpag sa Telebisyon ang palabas na Nathaniel subalit kinagigiliwan ko ng panoorin. Isa pa'y napakarami kang aral na maaring mapulot sa palabas at pinapagtibay nito ang pananalig natin sa Diyos. Bukas na ang aming play at ngayon pa lang, kumukurot na ang kaba sa dibdib at Goodluck na lang sa akin. Basta naririyan si God at umaasang tutulungan, makakaya ko kahit gaano pa iyan kahirap.


April 22, 2015
Wednesday

Year III-112

6f-d. Ilang minuto na lamang bago sumikat ang bukangliwayway ng ako'y magising. Ang kabang kagabi pa nadarama, lalo pang umiigting habang napipinto na ang aming pagsasadula. Pilit kong nilalakasan ang loob subalit tila tinta ang kaba na di mabura-bura at bahala na sa akin si God. Sa luwag ng kalsada at sa bilis ng biyahe, mabilis akong nakarating sa School. Manakanaka pa lamang ang pagdating ng mga estudyante. Dahil sa nararamdamang kaba, tila ayaw ko pang pumasok. Maya-maya'y nakatagpo ko na sila Anne Rose, habang wala pang guro, kami ay nag-ensayo at di biro ang umakting sapagkat nasa tama dapat ang intonasyon ng pagsasalita. Isa pa, wala kaming Script at lahat ay puro Adlib. Sumidhi pa lalo ang aming kaba sa pagpasok ni Sir Esguerra. Mabuti na lamang, binigyan pa niya kami ng panahon upang makapaghanda. 

6f-e. Ilang sandali makalipas, nagsimula na ang dula-dulaan. Paspasan na ako sa pagkakabisado ng sasabihin habang di pa kami ang nakasalang at dama ko na ang matinding pressure. Nang kami na ang magsasadula, pinilit kong magpakatatag at ipinamalas na ang lahat ng makakaya. Sige sa halakhakan ang mga kamag-aral ko habang ako’y umaakting at pakiwari ko, ako na marahil ang magiging mitsa kung bakit di magiging maganda ang performance namin. Nawala nga ang kaba sa dibdib matapos ang aming play, pumalit naman ang pagkadismaya't pinangunahan kasi ng hiya kaya di ko nasabi ng maayos ang dapat sabihin at nauutal pa. Mga dakong ikasiyam na ng matapos ang play at nakapagturo pa si Sir.

6f-f. Matapos niyang magturo, nagkaroon kami ng Games. Labis akong nalibang sa palaro at muntikan ng magkasakitan habang nag-uunahang mapabilang sa bilang na itinakda ni Sir. Hindi ako pinalad at kaagad natanggal pero nanatili pa rin ang saya. Ang pagkadismaya, tila nakaligtaan na ng dibdib dahil sa nakakaaliw na palaro. Sa bills ng oras, di namalayang Alas-dyis y medya na at kailangan ng umuwi. Hindi na ko nagpatumpik-tumpik pa sa pag-uwi sapagkat maglalaba pa ko ng susuuting T-shirt at nangangambang di makapagpatuyo, sa oras na muling bumuhos ang ulan. Habang naglalakad ay para akong nilalagnat sa tindi ng init at halos ikatupok ko na. Sa tindi ng init, marahil ay naghahakot na ito ng ulan at ibubuhos muli mamaya. Sa takot maabutan ng ulan, daglian akong naglaba pagdating sa bahay at pagkatapos kumain. Habang abala sa pagkukusot ay laking gulat na lamang ng biglang pumasok si Kaka kasama pa ang dalawang bata. Inutusan pala sila ni Mama mag-impake ng uling.  Sila ang naging libangan ko habang naglalaba at tamang pagkakataon na rin upang kamustahin sila.

6f-g. Matapos maglaba at gawa na ako'y naaalinsanganan, naisipan ng maligo. Hindi naman natuloy ang pingangambahan ko at naging maaliwalas sa maghapon. Wala akong ibang ginawa sa buong maghapon kundi magkulwit ng Gadget at di ko magawang awatin ang sarili. Pagsapit ng gabi, panonood naman ng telebisyon ang siyang inatupag. Habang nanonood ng Nathaniel, grabe ang sinasalamin nito sa mga tao sa panahon ngayon sapagkat puro pagyaman lang ang laman ng isip at di marunong makuntento sa bagay na mayroon sila. Hindi naman marahil masama ang mithiing yumaman, basta huwag natin kakalimutang tumawag sa langit at magmahal ng kapwa. Sabihin natin, may pag-asenso sa taong masikap pero kundi sasamahan ng pananalig at mapagmataas pa, darating ang panahon bubulusok ka paibaba. Matutong makuntento sa bagay na mayroon tayo. Hindi pa ko dinadalaw ng antok, naisipan ko munang magbasa. Ilang saglit pa, nagpasya na akong matulog.


April 23, 2015
Thursday

Year III-113

6f-h. Ikaapat na araw ng aming NSTP summer class at kailangan ko ng gumising ng maaga. Pagdating sa Eskwela, laking gulat at hinayang ko ng ipabatid ni Patricia na may takdang-aralin pala at kainis pagkat nakalimutan ko. Habang wala pa si Sir Esguerra, dali-dali kong sinagutan at labis ang aking pagmamadali. Sabay tago pagpasok ni Sir at kami'y nagdasal. Tungkol sa Selftalk ang itinuro niya at napakarami niyang kwento tungkol sa naging karanasan ng kanyang mga anak. Nakakaiingit naman dahil sa kabila na mahina ang tuktok at suffer sa kanya ang mag-aral ng mabuti, naging matagumpay pa rin siya sa huli at nakaka-inspire. May ilang bagay pang naikwento si Sir Esguerra bukod pa roon.

6f-i. Matapos niya magturo, binigyan niya kami ng oras upang mag-break. Dala na kanina pa kumakalam ang sikmura'y mas mabilis pa sa Alas-kwatro ang pagbili ng pagkain. Sa dami, di ko kaagad naubos. Palihim akong kumukutkot habang nagtuturo si Sir. Maya-maya, nagkaroon muli ng palaro at iyon ay paunahang makasagot sa pisara sa bawat tanong ni Sir. Sa tindi ng kabang namamayani sa dibdib ay di makapag-isip ng sagot at ang tatalas pa ng isip ng aming katunggali. Sa una, mukhang talo na kami subalit di pa rin pinanghinaan ng loob. Nakabawi naman kami kinalaunan hanggang sa kami na ang hirangang panalo. Maliban sa nag-enjoy kami'y nag-uumapaw din ang saya sa dibdib. Matapos ang palaro, may ilang joke na naibahagi sa amin si Sir. Dahil may pagka-slow at loading pa, di ako natawa pagkat masyadong lohikal at ngumanganga na lamang kapag nalaman ang kahulugan.

6f-j. Ilang sandali pa, uwian na at sana'y parating NSTP na lang pagkat bukod sa nakakaaliw, marami ka pang matutuhan kay Sir Esguerra at makikilala. Anong init muli ng panahon pagdating sa bahay. Gawa na tinamaan muli ng pagkabato, naisipan kong mag-rekord ng Dubsmash. Madaling gayahin ang bawat linya pero hirap sabayan ang Voice Clip at napakaraming mintis kaya di agad mai-upload ang Video. Napapalakas ang halakhak ko kapag pinapanood ang ginawang Dubsmash Video at ano ba 'yan, wala sa timing. Pagsapit ng hapon at dahil sa may nabibidyookeng kapit-bahay, naging napakaingay ng aming kapaligiran. Nakakarindi na nga ang Videooke, sinabayan pa ng mga tambay at parang nasa bundok kung mag-usap, ang lalakas pang mamintas sa mga dumaraan, di naman pinagpala ang hitsura. Hindi ko na makaya pa ang sitwasyon, umalis muna ako.

6f-k. Balak sana muling tumungo sa bahay nila Cathy, kaso biglang nagbago ang isip ko. Nakipagkwentuhan na lamang kay Ate Angelyn. Ng mapansing bahagyang tumatahimik na, saka lamang nagpasyang umuwi. Namayani muli ang ingay pagsapit ng gabi at sa ingay, di na halos marinig ang pinapanood. Wala naman kaming karapatang pigilan sila dahil may nagdidiwang ng kaarawan at tiniis na lamang ang ingay. Hinihiling ko, sana sumapit na ang Alas-dyis ng sa gano'y magkaroon kami ng karapatan at tumahimik na ang kapaligiran. Bukod sa maingay ay nagkakagulo pa. Sumilip ako, iyon pala'y naghaharutan lang at panay pa ang sigawan. Sumapit na ang Alas-dyis, nanatili pa ring maingay, nahirapan na tuloy ako sa pagtulog.


April 24, 2015
Friday

Year III-114

6f-l. Sa tindi ng namamayaning antok, di ko magawang idilat ng maigi ang mata. Natutuwa ako sapagkat Biyernes na at di na maaga pang magigising bukas. Sa susunod na Linggo pa ang pinakaaabangang pagtutuos ni Pacquiao at May Weather subalit karamihan sa amin ay iyon na ang laman ng usapan at kita ko sa kanila ang pananabik. Nag-uumapaw na ligaya marahil ang matatamo ng masang Pilipino at magaganap ang malaking pagbubunyi kapag napataob ni Pacquiao ang pinakamalakas at magaling na Boksingero sa buong mundo. Sa lakas ng kanyang kalaban, mukhang mahihirapan siyang magtagumpay subalit walang malakas o magaling sa taong may pananalig sa Diyos at kaya niya iyan. Eksakto ilang minuto na lamang bago magsimula ang klase ng makarating ako sa Eskwela. Wala pa si Sir kaya may pagmamadaling ginawa ang Assignment. Maya-maya, dumating na si Sir at nagturo. Tungkol sa Moral, Amoral and Immoral ang kanyang itinuro.

6f-m. Masarap makinig kapag nagtuturo o nagkukwento si Sir subalit may ilang bahagi lamang sa kanyang tinalakay ang di magawang pakinggan at napapayuko pagkat natatamaan ako. Tungkol ba naman sa Same Sex Marriage at Sex Change ang topic at panay ang kanilang bulyaw sa akin kapag nababangit ang tungkol sa Third sex. Hindi lang naman ako ang binabae pero di ko batid kung bakit sa akin sila tumitingin na halos ikatunaw ko na, hindi na lang inintindi pa. Bakit ako magi-guilty kung di ko naman iyon ginagawa. Maya-maya at bago magsimula ang palaro'y isa-isang ibinigay ni Sir kung anong lesson ang iuulat namin at napakarami. Saktong naging pangalawa ang grupo namin sa mag-uulat kaya pwede pang mag-hayahay, Edi wow! Matapos ang announcement, nagsimula na ang palaro at iyon ay 7 up

6f-n. Sa game na ito, kailangan alerto ka dahil maari kang mataya kapag nagkamali at kapag tatlong beses ka ng mataya, may Consequences at iyon ay isusulat mo ang iyong pangalan ng buo sa pamamagitan ng pagkembot. Medyo minalas lamang ako pagkat ako ang kauna-unahang nakatanggap ng Consequences. Labag man sa kalooban, kinailangan kong kumembot at tawang-tawa ako sa sarili dahil parang kiti-kiti sa pagkembot, ang halay ko tuloy. Bukod sa akin, may ilan ring kamag-aral ang nakatanggap ng Consequences at di mapigilan ang bibig sa pagtawa habang mahalay silang kumekembot. Sa saya, gusto pa sana naming maglaro kaso kapos na sa oras at uwian na.

6f-o. Pagdaan sa may Regalado, biglang bumagal ang daloy ng trapiko, iyon pala'y may naganap na aksidente at kita ko ang motor na  nakahambalang sa kalsada subalit wala na itong lulan at marahil ay naipadala na sa pagamutan. Sa sobrang trapik, malapit ng magtanghaling tapat ng makarating sa bahay. Medyo kumakalam na ang sikmura ko kaya diretso kain. Pagsapit ng gabi at gawa na di pa inaantok, iginugol ko muna ang sarili sa paggamit ng Cellphone. Habang tutok ang mata sa Social Media, nakakabinging sigawan ang biglang umalingawngaw sa teynga. Pagkadungaw ay tila dinaig pa ang nagsasabong kung mag-away at palitan sila ng malulutong na mura. Alas-dyis na at ang paligid na dapat sana ay payapa, maingay pa rin dahil sa mga nakikiusyoso't paninita ng Barangay tanod. Sa talas ng pananalita'y tila walang pinag-aralan at sinasanto ang mga nag-uumpugan. Tila di na magandang manirahan sa lugar namin pagkat bukod sa maingay na nga, di nalalayo ang araw na may nangyayaring sigalot. Mga dakong Alas-dose na ng maisipan kong matulog.


April 25, 2015
Saturday

Year III-115

6f-p. Sumapit na ang hating-gabi, hindi pa rin ako makatulog dahil may mga kabataan pa ring nakatambay at patuloy na naghahasik ng kaingayan. Tila wala silang konsiderasyon sa mga natutulog na kung mag-ingay at gusto parati ay sila ang masaya. Labis ko ng ikinayamot ang kanilang ingay at sa yamot, darating na sa puntong gusto ko ng sigawan, kaso nagising din ang ate at siya na ang sumaway sa kanila sa halip na ako. Kahit pinagsabihan na'y wala silang pakialam at nagpatuloy pa rin sa pag-iingay. Hirap akong makatulog dahil sa kanila at nagtiyaga na lamang. Tirik na ang haring araw sa labas nang ako'y magising, pagkatingin sa orasan, Alas-otso na pala. Gawaing bahay agad ang inatupag ko. Matagal-tagal na rin di nalilinisan kung kaya marami akong nalikom na alikabok sa pagwawalis. Pagtitinda ang sunod kong pinagkaabalahan ng matapos sa gawaing bahay. Bahagyang makulimlim kaya naisipan kong lumabas at magkumpyuter. Naku at patay pagkat inabutan na ng tanghaling tapat at makasunog balat na ang init ng panahon. Parang sinisilaban ako habang naglalakad sa ilalim ng sinag ng araw. 

6f-q. Pagdating ng bahay, tagaktak ng husto ang pawis ko't gawa na nakakaasiwa na ang amoy, kaagad ng naligo. Kahit sa Martes pa ang aming pag-uulat at sa takot na baka mautal, dibdiban kong pinag-aralan kung anuman ang iuulat, di naman makapag-aral ng maayos dahil sa namamayagpag na ingay sa kapiligiran. Lalo pang umigting ang ingay ng magbidyooke sila Ate. Pilit kong nilabanan ang tukso kaso di magawa't wiling-wili ng kumanta, itinigil ko muna ang pag-aaral at nakikanta. Parati pa ring kinakapos ng hangin kapag umaawit at minsan ay napapapiyok pa, idinaan ko na lang mahinahong pagkanta kahit may kataasan na ang Melody. Matapos namin kumanta at ng mapansing lumililim na ang init, naisipan kong magtungo sa bahay nina Cathy.

6f-r. Sina Jaka at Janna lamang ang nadatnan ko samantalang nagsi-siyesta sina Ate Ging subalit wala si Cathy ng datnan ko. Ipinabatid sa akin ni Jaka na nasa Church daw ito. Di na ako nagtagal pa sa kanila at agad ng umalis. Sa bahay naman nila Regine ko sunod na tumungo't saktong naroroon si Annie. Sa ilang buwang di namin pagkikita'y kamustahan kaming dalawa. Maya-maya, tumungo kami ni Annie sa bidyookehan. Sa hiya, hindi ko sana ibig ang kumanta, kaso mapilit si Annie at bilang pakikisama'y pinagbigyan ko siya kahit labag man sa kalooban. Habang kumakanta ang biglang pagdating ni Angelica, nagpapasama pala ito sa akin. Ilang ulit kaming nagpabalik-balik at nakaramdam ako ng pagkahapo. 

6f-s. Madilim-dilim na kung kaya kinailangan ko ng magpaalam sa kanila. Pagdating sa bahay at dahil ipinabatid ni Mama na bumili ng ulam ang ate, di muna ako kumain. Umiigting na ang gutom sa tiyan habang tumatagal at gawa na di ko na matiis, dumelehensya na ng ulam. Kung kailan kumakain na ang saka naman pagdating ng ate. Piniritong manok ang dala nito subalit sa busog, di na ako kumain pa. Medyo naimbyerna lamang ako sa kanya, paano kung makapagsalita'y akala siya ang magaling at ang sakit pa magsalita. Sa inis, darating na sa puntong gusto ko siyang sagutin at tapatan ang mga sinabi, kaso batid kong di naman siya patatalo at lalaki lamang ang gulo, pinalagpas ko na lamang. Mag-aaksaya lang ng panahon kung makikipagtalasan sa kanya. Siya na ang magaling at magalang na anak. Nahirapan akong matulog dahil sa sama ng loob.


April 26, 2015
Sunday
Year III-116

6f-t. Naging mahimbing muli ang aking pagtulog kaya sumapit na ang Alas-Otso ng ako'y magising. Ang umaga, napakaaliwalas at napakakulay subalit tila nagbago ang lahat ng masilayan ang Ate't sumagi bigla sa isipan ang sinambit sa akin kagabi. Kahit naiinis sa kanya, pinakibagayan ko pa rin ito kaso muntikan ng mawalan ng pasensiya ng utusan niya ko't kung makasigaw, akala siya ang amo ko at perpekto. Aboridong-aborido ako ng umagang iyon at sa inis, ibig ko ng magwala at nabubwisit talaga sa kanya. Ayaw ko ng gulo kung kaya pinigilan na lamang ang nararamdaman. Matapos kumain, ako'y nagbantay sa tindahan. Lalo pang nadagdagan ang inis sa dibdib ng biglang sermunan ni ina. Sa kanyang mga sinasabi, pakiramdam ko'y wala ng ginawang tama at halos lamunin ako ng pagkadismaya.

 6f-u. Ang hirap magpigil kung ito'y punong puno na at parang sasabog na subalit di ko magawang ilabas. Sa halip na ipakita sa kanila'y idinaan na lamang sa paggamit ng Social Media ang sama ng loob at doon ibinuhos. Bakit ganoon, parati ko na lang di makasundo si ina. Bukod sa inis ay naghari rin ang selos sa dibdib ng makitang nag-uusap si Mama at Ate. Batid kong di dapat ito maramdaman kaso di ko mapigilan, nilawakan na lamang ang isip at inunawa sila. Hindi sapat na ilabas lang sa Social Media upang maibsan ang hinanakit sa dibdib at nangailangan ako ng taong makakausap at handang makinig. Magtutungo sana sa bahay ng kaibigan, kaso di ko itinuloy at baka mapagalitan muli ni ina.

6f-v. Maya-maya'y umalis si Mama kaya lalo pang di makalayas pagkat walang maasahan sa pagtitinda. Pagbalik ni ina, saka pa lamang binalak lumayas kaso init ng panahon naman ang pumigil. Habang nagtitinda'y pagbabasa ng libro ang inatupag ko, hirap makapag-concentrate kung puno ng galit ang dibdib. Maya-maya'y naisipan kong maglaba. Matapos maglaba'y paghuhugas naman ng plato ang inatupag ko. Lahat-lahat na ay sinubukan ko na, mabago lang ang tingin sa akin ni ina at malay ko lang kung may masabi pa siya. Dakong hapon na ng magkaroon ng pagkakataong lumabas at sa bahay nila Angelica naisipang magtungo. Sa saya nito kausap ay siya ang nagbigay sigla sa akin at kahit paano'y gumaan ang kalooban ko.

6f-w. Sumunod ay sa bahay nina Regine naman ako tumungo, tuwa ang namayani sa dibdib nang magkita muli ni Annie. Saka lamang nagkaroon ng pagkakataon upang magkausap at napakarami niyang naikwento sa akin. Sa dami ng sinabi na tila di nauubusan, tumagal pa ko sa kanila hanggang sa magdilim. Anong kaba ang siyang umiiral habang pumipihit ang yapak patungong bahay at pinaghahandaan na ang mapupusok na salita mula kay ina. Hindi naman nangyari ang ikinakatakot ko at kaagad ng naghapunan. Bago ako matulog, naisipan ko munang magbasa-basa’t nakakalibang kahit paano pagkat marami kang matutuhan.


April 27, 2015
Monday

Year III-117

6f-x. Sadyang napakaikli ng panahon upang magpahinga't may pasok muli, kaakibat nito ang maraming gawaing kakaharapin. Medyo tinatamad pang bumangon dala ng antok subalit hindi maaaring lumiban sa klase, kung kaya buong tapang na nilabanan kung anuman ang bumabalakid. Naghahari muli ang kasiglahan sa aking dibdib na siyang nagbibigay gana upang pumasok at sana'y manatiling ganito hanggang sa magtapos ang araw na ito. Habang wala pang guro'y nag-usap-usap muna kami ni Anne Rose tungkol sa iuulat. Nagkaroon lamang nang kaunting inis sa dibdib sapagkat kagustuhan nila parati ang masusunod, hinayaan ko na lamang kaysa naman magkagulo at mauwi sa pagkakawatakwatak. Bukas pa ang aming pag-uulat subalit dama ko na ang kaba sa dibdib at lalo itong umiigting habang lumilipas ang mga sandali. Ilang minuto makalipas, pumasok na si Sir Esguerra at kami'y nagdasal. Matapos ang pagdarasal ay ang pagsisimula ng pag-uulat.

6f-y. Grupo nina Jhanina ang nag-ulat at hindi maitago ang kaba sa kani-kanilang mga mukha. Sa kaba, ang ilan sa kanila'y nawawala na sa sinasabi't tila elesing paikot-ikot lamang. Sana di maging ganoon ang pag-uulat namin bukas. Binigyan kami ni Sir ng kaunting panahon upang mag-snack at doon sinamantala ang oras upang pag-aralan ang iuulat. Hindi naman makapag-aral ng maayos dahil sa naghaharing ingay sa silid at ang hirap itatak sa isipan ang binabasa. Maya-maya pa'y natapos na ang Breaktime at nagsimula ng magturo ang aming guro. Tungkol sa Illuminati songs ang itinuro ni Sir Esguerra at di ko maiwasang kilabutan sa mga sinasabi nito pagkat halos lahat ng mga kantang kinahuhumalingan nating pakinggan, may natatago palang mensahe tungkol kay Satanas kapag binaligtad.

6f-z. Hindi nating namamalayan, sinasamba na pala si Satanas habang pinapakinggan ang musika. Hirap paniwalaan pero nakakakilabot. Bago umuwi'y nagtungo muna kaming magkakagrupo sa Library upang pag-usapan ang iuulat. Sumama pa ko sa kanila at wala naman kami napala. Sila pa ang may ganang maghimutok kapag di ko tinupad ang kagustuhan at nakakayamot. Sa yamot, di ko na nagawa pang sumabay sa kanila't nagdidilim na ang paningin ko ng mga oras na iyon. Anong klase silang mga kaibigan at napakaramot nila sa akin. Kung makaasta, akala'y sila lang ang may karapatan at dapat sundin. Pakiramdam ko tuloy, kinakayan-kayanan lang nila at mas maigi pang tapusin ko na ang pakikisalamuha sa kanila kung ganyan lamang nila ako pakitunguhan, kaso ayaw kong magpadala sa galit at baka pagsisihan. Ang tunay na kaibigan, nagbibigayan, di nagdadamot.

6g-a. Bago umuwi, bumili muna ako ng mga materyales na gagamitin sa Visual Aid. Sa tindi ng init ay pakiwaring sinisilaban ako habang naglalakad. Pagdating sa bahay, Paggawa agad ngVisual Aid ang inatupag ko at malapit ng dumilim ng matapos ko ito. Nakakalungkot isipin sapagkat bukas na kakaharapin ng ating kababayan na si Mary Jane Veloso ang Execution sa Indonesia at kaawa-awa siya sapagkat nabiktima lamang ng Drug Trafficking at dapat ay babaan ang kanyang sintensya. Kahit maliit na lamang ang pag-asang maisalba ang kayang buhay mula sa Firing squad ay umaasa pa rin na maititigil ang pagbitay at sana'y magkaroon ng himala. Sa takot na matameme sa pag-uulat bukas ay nag-aral muna ako bago matulog. Goodluck to me tomorrow.


April 28, 2015
Tuesday

Year III-118

6g-b. Hindi pa nakakatungtong ang paa sa eskwelahan at pagkagising pa lamang ay ramdam ko na agad ang matinding kaba. Sa sidhi ng kaba'y tila tinatamad akong pumasok. Idagdag pa ang sama ng loob na naranasan ko sa mga kagrupo kahapon. Sana may natitira pang pasensiya sa aking kalooban. Pagdating sa Unibersidad at ng sila'y masilayan ay todo pagtitimpi ang ginawa ko at tiniis na lamang na makisalamuha sa kanila alang-alang sa aming pag-uulat. Habang di pa pumapasok si Sir Esguerra ay dibdiban naming nirepaso ang iuulat at labis na akong kinakabahan. Ilang saglit makalipas ay pumasok na si Sir Esguerra at nagsimula na ang aming pag-uulat. Kahit namumutawi ang kaba'y lakas loob kong hinarap ang lahat ng kamag-aral at nag-ulat. Sa kaba, nahihirapan akong magpaliwanag at madalas ay parang lobo ang aking sinasambit na kung saan-saan tumutungo. Nanluwag ako matapos ang pag-uulat at maya-maya, umakyat na kami sa ikalimang palapag upang manood ngFilm showing.

6g-c. Tungkol sa pananakop ni Satanas sa bawat puso ng sangkatauhan at backmasking ang laman ng Film. Mas masidhi pa ang takot ang nadarama kumpara kahapon habang nanonood at grabe ang mga sa tao sa panahon ngayon, bakit nagagawa na nila iyon sa ating panginoon? At marami ng nalilinlang si Satanas. Kahit lubhang malakas at makapangyarihan si Satanas, hindi pa rin niya tayo kayang sakupin dahil naririyan ang ating panginoon andnobody will surpass the power of God, even Satan. Hindi namin mapigilang maiyak ng mapanood sa video kung paano pinahirapan at inalipusta si Jesus ng mga Israelita at grabe ang kanyang sakripisyo, maisalba lamang tayo mula sa kasalanan. Makakaramdam ka talaga ng habag kung  naniniwala ka tungkol sa sinapit ng ating panginoon.

6g-d. Malapit ng sumapit ang Alas-onse ng matapos ang Film at uwian na. Pagdating sa bahay at sa tindi ng init sa labas na malapugon sa pakiramdam ay halos maubusan na ng tubig sa dami ng inilabas na pawis at parang tatamaan marahil ng heat stroke. Agad kong ipinagpahinga ang sarili matapos mananghalian. Kinahapunan naman, panonood ng Video ang inatupag ko. Habang tutok ang mata sa panonood ay biglang inutusan ako ni ina na maghugas ng plato't Wrong timing naman siya. Nakiusap ako kung pwede mamaya na lang, kaso'y masyado siyang mainipin. Kahit labag pa sa aking kalooban ang kanyang ipinag-uutos ay itinigil muna ang panonood at naghugas ng plato. Sa di inaasahan, nasundan pa ng panibagong hidwaan pagsapit ng gabi. Hindi ko na ibig pang sumagot pagkat mali iyon subalit di ko matanggap ang mga sinasabi nila laban sa akin at di ko maiwasang magdamdam.  

6g-e. Ipinagtanggol ko lang naman ang sarili at nagpapakatotoo subalit ako pa ang lumalabas na masama. Pakiramdam ko, wala na akong kakampe sa Mundo at sa bawat kinikilos ko'y puro kamalian sa paningin nila, wala na silang makitang maganda sa akin. Lahat na lamang ay parating isinisisi sa akin at labis iyon ikinadurog ng damdamin. Pinipilit kong maging mabuting anak o kapatid at magbago, kaso nahihirapan ako kung parati kong nararanasan ang galit at sakit na sila ang may likha! Batid sa sarili na mapapasama lamang at wala ng magagawa pa kung kaya di na umimik pa at hinayaan sila. Inaamin kong bastos ako at walang modo, pero may pakiramdam din ako at nasasaktan pagkat tao din ako. Di naman ako magiging ganoon kundi dahil sa ipinapakita at sinasabi nila. Sa sobrang bigat ng aking kalooban ay gusto kong sumigaw at magwala, gusto kong ilabas sa pamamagitan niyon kaso takot ang pumigil sa naisin at idinaan na lang sa iyak. Sana pagdating ng panibagong araw, mapawi ang lahat ng ito at maging maayos ang lahat. Kahit mahirap, kakayanin kong matiyaga.


April 29, 2015
Wednesday

Year III-119

6g-f. Di pa rin limot ng isipan ang mga sinabi nila kagabi at nade-depressed ako sa tuwing sasagi iyon sa isipan. Parang nahihirapan akong ibangon ang sarili sa bigat ng kalooban at gusto pang matulog, kaso maaga na at kahit labag man sa kalooban ay kailangan kong bumangon alang-alang sa kinabukasang kay ganda at bagay na matutuhan. Bahagyang nabawasan ang bigat sa kalooban ng mag-usap kami ni Mama. Habang tumatagal ay napapalitan ng sigla ang kaninang nanlulupaypay na dibdib at unti-unti akong nabubuhayan. Masaya ako sapagkat maayos na kami ni Mama at kahit matatalas ang kanyang mga sinasabi na tipong tagus-tagusan ay may natitira pa ring pagmamahal sa kanyang puso. Malapit ng mag-ikawalo ng makarating sa eskwela subalit wala pa si Sir Esguerra.

6g-g. Maya-maya pa'y dumating na ito at nagkaroon muli ng pangkatang pag-uulat. Pangkat nina Mica ang nag-uulat at mangha kami sa gawa nilang Visual Aid pagkat bukod sa maganda'y presintable sa paningin, may pa-raffle pa sila kung sinuman ang makasagot, Edi Wow! Sa dami ng kanilang sinabi'y ni hindi na nga makapag-discuss si Sir pagkat kinapos na sa oras. Pansamantalang natigil ang pag-uulat ng may inanunsyo si Sir. Lundagan sa tuwa ang mga kamag-aral kong malalantod ng ipabatid na nasa Campus daw si James Reid subalit tila di ako nasisiyahan sa aking nalaman, pagkat iniisip ko na marami pa namang pagkakataon na masilayan ko siya at isa pa, ayaw kong makipagsiksikan sa dami ng Estudyante. Matapos ang klase ay diretso agad sa Quadrangle ang karamihan sa kamag-aral ko at kita ko sa mukha nila ang pagkasabik na makita ang kinababaliwang si James Reid. Hindi ko pa ibig umuwi pagkat maaga pa naman at naisipang magtungo sa bahay nila Annie doon sa Tandang Sora.

6g-h. Pagdating sa Village kung saan sila nakatira at dahil medyo may kalakihan ang lugar ay pahirapan sa akin na matunton ang bahay nila, nagtanong-tanong pa ako. Sa tiyaga, kinalaunan ay natunton ko rin ang bahay nila. Malawak at komportableng tirhan subalit wala doon si Annie at Gelyn at tanging sila Ate Ajhing lamang ang naroroon. Hindi na ko nagtagal pa at kaagad ng umuwi. Nagsayang lamang ng pamasahe at nagpunta sa wala. Mga dakong Alas-dos na ng makarating ako sa bahay at kaagad natulog. Matapos ay naisipan kong magtungo kila Regine. Saktong nasa kanila pala si Gelyn subalit di ko nadatnan si Annie. Maya-maya pa'y sa bahay naman nila Cathy ako nagtungo. Tamang kwentuhan lamang kaming dalawa at ramdam ko ang saya. Kawawa lamang ang Cathy ng pagalitan ni Ate Ging dahil sa kapalpakan nito at nakakadurog ng puso ang mga salitang binitiwan ni Ate Ging sa kanya.

6g-i. Grabe at kung makapagsalita'y parang di niya anak at mas matindi pa ang napakinggan ko mula sa bibig ni Ate Ging kumpara sa nanay ko. Hanga din ako sa kanya pagkat kahit masasakit na ang naririnig ay di pa rin nagawang sumagot at parang wala lang sa kanya ang lahat. Sa galit ni Ate Ging, di na ito nakapagluto pa ng hapunan at natulog. Kung anak ko lang si Cathy, di ko iyon sasabihin sa kanya pagkat parang sinasaksak mo ang puso niya kapag ginagawa iyon at malalayo ang loob niya sayo. Nirerespeto ko na lamang ang paraan ng pagdidisiplina ni Ate Ging sa kanya't marahil ay iyon lamang ang alam niyang paraan. Kumagat na ang gabi kaya nagpasya na kong umuwi. Lumubog na ang haring araw at lumagom na ang dilim subalit nanatili pa ring maalinsangan ang panahon, hindi tuloy kami makatulog at sige sa pagpaypay kahit bukas na bentilador. 


April 30, 2015
Thursday
Year III-120

6g-j. Huling araw para sa buwang ito. Tila di ko ibig ang pumasok pagkat tinatamad subalit masasayang lamang ang araw na ito na wala akong matutuhan, pinilit ko ang sarili na pumasok. Habang patungo ang yapak sa silid, ano ba ito at kung sino pa ang taong ayaw makita'y nakasalubong ko pa, nakipagbatian at ngitian pa rin sa kanila sa kabila na ako'y nayayamot na. Dalawang Linggo ko pa sila makakasama kung kaya kailangan kong magtiis. Wala pang guro pagpasok sa silid at samu't saring bibig ang sumalubong sa akin. Maya-maya pa'y dumating na si Sir Esguerra at nagsimula na ang pag-uulat. Pangkat nila Aroma ang mag-uulat at tila sunod sa yapak ng pangkat nina Mica (Principe) pagkat dami rin nilang alam na pasabog sa amin. Sa halip na mabato sa pakikinig ay nakakaaliw at naging makuwela ang kanilang pag-uulat.

6g-k. Inggit ang namayani sa dibdib pagkat di namin nagawa kung anuman ang nagagawa nila, palibhasa'y walang pagkakaisa't iniisip parati ang kung magkano ang ilalabas na pera, ikanga'y matipid ang mga kagrupo ko, sana'y di kami tipirin sa grade. Habang nag-uulat ay biglang naningil ang isa kong kamag-aral para sa hand-out, di ako nakapaghanda ng ganong kalaking halaga at di abot kaya ng dala kong pera, nakiusap ako kay Sir Esguerra na kung pwede'y maghulog muna. Habang nakikiusap ay di ko akalain na pauutangin niya ko, sa hiya'y todo tanggi ako subalit grasya din iyan kaya tinanggap ko na. Swerte naman namin pagkat nagkaroon ng mabait na Professor at mapagkumbaba pa.

6g-l. Matapos nina Aroma sa pag-uulat, itinuro sa amin ni Sir ang tungkol sa pagtatatak ng 666 at nakakagulat isipin na karamihan sa mga artista o  mga iniidolo nati'y natatakan na ng ganun at hirap paniwalaan. Interesadong-interesado ako sa itinituro ni Sir at ibig pa man namin makinig subalit kinapos na sa oras at kailangan ng umalis. Sa halip kina Anne Rose sumabay ay sa dati kong kamag-aral na sila Princess nakisama. Hindi ko batid sa sarili kung bakit napunta sa ganito ang pakikipagkaibigan namin, basta di ko pa rin mapigilang mabuwisit sa tuwing nasisilayan sila. Maiging huwag munang makihalubilo sa kanila at pahupain muna ang nararamdaman sa dibdib. Gawa na kanina pa kumakalam ang sikmura'y diretso lamon ako pagdating sa bahay.

6g-m. Pagsapit ng hapon ay dinig ko ang pagkalugkog mula sa kalawakan at sa halip na takot ay tuwa ang nadarama pagkat uulan na, matutuldukan na rin ang pagtitiis namin sa init subalit puro pagkulog lamang ang naganap at di matuloy-tuloy ang ulan. Sa alinsangan ng panahon, kahit di ka magkikilos-kilos ay pagpapawisan ka pa rin. Kinagabihan, panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Kahit di kadugo'y natutuwa pa rin ako dahil naipagpaliban ang pagbitay kay Mary Jane at sana'y mapawalang sala na siya. Nakakalungkot naman isipin na hahatulang mamatay ang taong wala namang kasalanan sa batas at biktima lamang ng Drug Trafficking. Kung sino pa talaga ang inosente, napaparusahan samantalang nakakaligtas ang mga salarin at tila baligtad ang nagaganap sa Mundo, sa panahon ngayon.