Sabado, Mayo 31, 2014

17. May 2014 Journal (Day 486-516)

May 01, 2014
Thursday 

(Labor Day) 
Year II-121

4b-m.   Nagising na ang katawang lupa mula sa pagkakahimbing sa pagtulog dahil sa ingay nina Tita Lenny na mukhang seryosong seryoso sa pinag-uusapan. Kahit sa lapag lamang ako nagpalipas ng gabi kasama ang Tito Pablo ay naging komportable pa rin iyon para sa akin kaysa naman sa katre ka nga matutulog, siksikan naman at madalas ay di mo maiwasang madag-anan ang pinsan mo. Medyo inaantok pa kaya nagpatuloy ako sa pag-idlip subalit kailangan ng bumangon at maaga pa kaming aalis. Di pa ko nakaranas ng gutom kaya hindi muna ako nag-almusal at ipinagpatuloy ang pag-iimpake. Habang di magkandaugaga sa kakaimpake'y narinig kong nasigaw ang Lola Sabe sabay tumatangis ito. Nagsagutan pala sila ni Tito Lito at dahilan ng kanilang pag-aaway ang gulay at gusto raw ay karne pagkat sawang-sawa na. Di naman nagtagal ang kanilang diskusyunan.

4b-n.   Nakakalungkot lang sa pakiramdam sapagkat kapag umalis na kami, si Lola Sabe at Lolo Isko na lamang ang maiiwan. Pakiwari ko'y di maganda ang kalagayan ni Lolo Isko't wala ng kakayahan si Lola Sabe na alagaan ito sapagkat siya'y matanda na. Kamusta na kaya sila kapag silang dalawa na lamang ang naiwan? Nang makapag-impake't maisilid ang lahat ng kagamitan ay tumulak na kami pabalik ng Batangas. Bago umalis ay may lungkot sa dibdib akong nagpaalam kay Lolo Isko't umaasa akong di sila pababayaan ng maykapal. Kahit nasa biyahe na kami at ilang milya na ang layo sa kanila'y naalala ko pa rin ang Lolo Isko't ramdam ko ang pagkahabag sa kanya. Habang nasa biyahe'y bigla na lamang ako ginutom. Buti na lamang at may dala sila Tita Connie na Sumang balinghoy at iyon ang nagtawid sa kumakalam na sikmura.

4b-o. Ang Tita Lenny naman, hala't di maubusan ng kakatsika kay Ate Ivy samantalang mala-Biyernes Santo ang mukha naming magpipinsan. Habang lumalapit kami kung saan bababa sina Meryll ang pagsidhi ng kalungkutan sa dibdib at mami-miss ko ang kanilang kakulitan. Malapit ng magtanghaling tapat ng makarating kami sa Lucena at bumaba na nga sina Meryll, wala na ang nagbibigay aliw sa buhay namin at kita ko sa mata ni Lowell ang pagkalumbay kaya madalas itong nakayuko. Pagdating namin sa San Juan bayan, kumain muna kami ng Lomi at labis akong naumay sa sarap at linamnam ng Lomi. Bago kami tumulak patungong bukid ay nagpaalam na kami kila Ate Ivy at Lowell. Nakakalungkot isipin na ako, si Tito LitoAngel at Lyka na lamang ang natira sa sasakyan.

4b-p.   Pagdating sa bukid ay di ako nagdere-deretso sa pagpasok pagkat ikinakatakot ko ang magiging reaksyon ng Tita Susan sa pagsuway ko sa kanya pero hindi naman pala.

Nadismaya lang ako sa sarili pagkat sa halip na punda'y unan ang nadala ko, hindi ko alam kung anong utak ang mayroon ako't palagi na lang palpak sa tuwing nauutusan. Kaagad kong nilabhan ang lahat ng tubal na damit at shortmatapos naming mag-usap ni Tita Susan. Kahit na may pagkamataray ay nagawa pa rin akong tulungan ni Tita Glo sa paglalaba kahit di naman ako nagpapatulong. May Tuklong pala mamayang gabi at sa takot na baka walang maisuot ay buong tiyaga kong pinaypayan ang sinampay, hindi kasi maganda ang init.

4b-q.   Biglang nagbago ang isip ko na sumali sa Tuklong kung kailan gabi na't inaaya na ng Tita Mildred. Panonood na lamang ng telebisyon ang pampalipas oras ko't sa bawat magkomersyal ay palitan kami ng koro-koro ng Tita Susan. Nang dalawin ng antok, ako'y natulog na't muli nanaman akong nakahiga sa malambot na kutson matapos ang pagdurusa sa tulugan nung nasa Quezon pa. Tito Lito na mismo ang nagsabi na ang tao sa Batangas ay busy samantalang easy lamang sa Quezon kaya kung ihahambing ay maganda ang buhay sa Batangas kahit sabihing di mayaman ang naninirahan. Dati ang bahay ng Lola Trining ay kagaya ng bahay ng Lola Sabe, pero ngayon ay malaki na ang pinagbago't sarap ng tirhan sa linis at ganda nito. Kung gustong umasenso, bakit hindi kung nagsusumikap naman.

May 02, 2014
Friday

Year II-122

4b-r.   Maaga pa lamang ng gisingin ako ni Tita Susan sapagkat tutungo kami sa dagat. Kahit pakiwari ko'y busog na busog ay nag-agahan pa rin ako sa takot na baka gutumin mamaya. Masaya sana kung kasama ko sina Lyka patungong dagat subalit di sila pupwede pagkat may dalaw daw. Habang naglalakad kami ng Tita Susan patungo sa dagat ay saktong nakasalubong namin ang Ninong Abe at nagbatian kami sa isa't isa. Nagpatuloy kami ng Tita Susan sa paglalakad matapos makipag-usap kay Ninong Abe hanggang sa marating namin ang dagat. Di hamak na mas kaunti lang ang naliligo kaysa sa Laiya kaya nawalan ako ng gana sa paliligo, marahil ay tuwing weekends talaga ang marami. Habang nagtatampisaw kami'y ang biglang pagsakit ng ulo. Di ko na matiis ang pananakit ng ulo kaya sinabi ko kay Tita na umuwi na kami.

4b-s.   Bukod sa masakit ang ulo'y parang nasusuka ako subalit wala naman maisuka at labis akong nahirapan sa paglalakad gawa na tumitindi ang pagsakit ng ulo. Hindi lang basta masakit at tila may karayom na tumutuhog. Marahil ay may sipon lang na di mailabas kaya sumasakit ito. Kaagad akong humiga pagdating ng bahay at halos mamilipit ako sa sakit. Parehas na sinabi ng Tita Susan at Tita Glo na nausog raw ako't pinaghihinalaang si Ninong Abe ang nakausog. Ganun pala kapag nasa probinsya ka, kapag may nararamdaman ka’y iisipin kaagad na nabati ka at kailangang magpalaway sa taong nakausog upang matuldukan ang nararamdaman. Sa tana ng buhay ko'y di ako naniniwala sa ganyang mga usog. Hindi mahanap nila Butchok ang Ninong Abe upang ipalaway sa akin kung kaya dali-dali kaming nagtungo sa mangtatawas.

4b-t.   Isa pa, sa halip na sa doctor dumeretso'y sa albularyo sila nagpapakunsulta. Kay Mang Cadio kami nagtungo't hindi ko alam kung anung gagawin niya sa akin sapagkat ngayon lang ako nasabak sa tawas. masyadong weirdow ang ginagawa Mang Cadio sapagkat gagayatin niya ang luya sabay lalawayan at matapos ay ipapahid sa uluhan ko ng pa-krus, natatawa na lamang ako sa ginagawa niya at di ko alam kung gagaling ba ko? Laking gulat ko ng sabihin ni Mang Cadio na malakas daw ang nakausog sa akin. Kaya pala ganun katindi ang sakit ng ulo ko't maski ang Tita Susan na isang linggo ng inuubo'y kay Mang Cadio rin nagpakonsulta. Pagbalik sa bahay ay kaagad akong nagpahinga't bahagyang nabawasan ang pananakit ng ulo. Nung una'y tinatawanan ko lang ang Puera Usog subalit ngayon ay naniniwala na ako pagkat nawala nga ng lubusan ang pananakit ng ulo pagkagising at tila walang ng nangyari.

4b-u.   Ala-una na pala ng hapon ng ako'y magising at kaagad na nananghalian. Lahat ng kasamahan ko sa bahay ay todo pangangamusta sa akin lalo na ang Tito Lito na may pabiro pa. Sa kadahilanang nababato ako kapag walang pinagkakaabalaha'y nagtingin-tingin ako ng litrato. Doon ko nasalamin ang hitsura nila Papa nung mga dalaga't binata pa sila at maging litrato ko nung paslit pa ay naroroon rin sa larawan. Sa bawat larawang nahahawaka'y ipinapakilala iyon sa akin ni Tita Susan. Kinagabiha’y sasama sana ako sa Tuklong subalit sinabi ni Lyka na walang pag-aalay. Kahit may kadiliman ang kapaligira'y walang sindak akong naglakad. Pagbalik sa bahay ay nadatnan kong abala sina Tita Glo sa paggawa ng Fruit salad, may darating palang bisita bukas kaya ganun na lamang sila kahanda.

May 03, 2014
Saturday

Year II-123

4b-v.   Huling araw na ng pamamalagi ko sa probinsyang napakatahimik at nagbibigay sigla kahit paano sa aking buhay. Kahit na kapus minsan sa tubig at pahirapan ang transportasyon sapagkat lubak-lubak ang daanan ay mas iniibig ko pa rin ang probinsya, dito mo lang malalanghap ang preskong hangin at kapag ito'y nalanghap, langit ang madarama. Tahimik pa at puro huni lang ng ibon ang mauulinig, magandang pagkakataon upang makapag-isip ng maayos. Iyon nga lang ang di kagandahan tuwing gabi, madilim at di nagkakakitaan kapag ika'y nasa labas pagkat walang street light at tanging lampara lamang ang nagbibigay liwanag. Hindi pa man nagpapakita ang haring araw ng ako'y dumilat at sa aking pagdilat ay tila malinaw ang paningin ko kahit di nakasalamin. Saktong nanonood ang Tita Susan ng Salamat Dok. Naibigan ko ang palabas na iyon pagkat ang talakayan ay may kinalaman sa depekto sa mata't maraming bagay pala akong dapat gawin upang mapigilan ang patuloy na paglabo ng mata. Sa kahumalingang manood ng telebisyon, nakaligtaan ko na ngang mag-aagahan samantalang nakakain na ang mga pinsan ko.

4b-w.   Matapos manood, saka pa lamang ako nag-almusal. Maya-maya’y ipinagpatuloy ko ang pagtitingin ng litrato't iyon ang napagkaabalahan namin ni Butchok. Bukod sa naunang litratong tiningnan ko kahapo'y kay rikit pala ng Lola Trining nung siya'y dalagita, maging ang Lolo Hilarion na sa kanyang kakisigan, kahit sinong babae'y matitipuhan siya. Kaya pala karamihan sa mga kamag-anak ko'y may taglay na kagandahan at kagwapohan dahil may pinagmanahan at iyon ang maipagmamalaki ko. May darating na bisita kung kaya't labis kaming naging abala sa paghahanda upang sa gano'y ma-impresssila. Maya-maya’y dumating ang isang ban lulan ang Tita Cleo kasama ang kanyang mga kaopisina. Sa dami at lumba ng kanilang pangangatawa'y tila kayang ubusin ang isang baldeng Spaghetti at Salad. Habang sila'y nasa sala't masayang nagkukwentuhan, kami namang magpipinsan ay nagtatago sa silong at hala sige sa kulwit ng Android phone.

4b-x.   Maya-maya pa'y bigla akong inantok, wala akong balak matulog pero sa tindi'y nagpanaig ako. Umalis na ang mga bisita at tanging si Tita Cleo na lamang ang naiwan ng ako'y gumising. Dahil wala kaming magawa magpipinsan at kakasawa na ring palaging nasa palad ang cellphone, pinag-interesan naman namin ang mga guyam. Napakadakilang bata't anak ni Butchok na kahit guyam lamang na hirap na sa pagbubhat ng butil ng bigas ay nagawa niyang malasakitan. Buti pa silang mga langgam, likas na ang pagiging masipag. Kinahupunan ay nagtungo kami ni Tita Susan sa Ilaya upang manungkit ng Mangga.

4b-y.   Sa dami ng Manggang nasungkit, halos ikabuwal ko na sa bigat ng dalang Bag. Kakarating lamang namin ng Tita Susan sa bahay ng biglang mag-aya ang Tito Levi na magtungo sa bahay ni Lola Pasing pagkat may kainan daw. Kaagad kaming pumayag at sige sa pagsugod. May naging kakwentuhan pa ang Tita Cleo at Tito Levi bago magbalak na magtungo kila Lola Pasing. Sa tagal at inip ay bumalik na ko at nanood ng telebisyon. Panay reklamo ang Tita Cleo pagdating sapagkat iniwan daw siya. Hindi namalayang kanina pa nakauwi sila Angelle. Naging buenas ang aming hapunan pagkat may dala ang Tita Cleo ng Lechong manok at nilantakan namin iyon ng husto. Sa kabusugan, halos di na makakilos at hinintay ko pang matunawan bago matulog.


May 04, 2014
Sunday

Year II-124

4b-z.   Masarap pa sana ang tulog ko't medyo inaantok pa subalit nasira iyon ng gisingin ng Tita Susan. Umaga na pala't kailangan ko ng iimpake ang kagamitan sapagkat tutulak na kami pabalik ng Maynila. Kakalungkot lang pagkat lilisanin ko na ang bahay ni lola at kapag kami'y umalis, mag-isa na lamang ang Tita Glo sa bahay. Bago ako sumakay sa sasakyan ay tiningnan ko muna maigi ang bagahe at baka may naiwan pa. Nang masiguradong nandoon na ang lahat, larga na ako sa sasakyan. Maya-maya'y nagpaalam na kamikay Tita Glo at sumama si Lyka sa amin pa-Maynila, habang naandar ay di ko magawang iwaksi ang paningin sa bahay ni lola at talagang mami-miss ko sila lalo na ang kabaitan ni Butchok. Pansamantala kaming tumigil pagdating sa bayan at bumili ng kakainin. Hindi ako nakapag-almusal at kanina pa kumakalam ang sikmura kung kaya'y nagasta ko na ang perang ibinigay sa ‘kin ni ama.

4c-a.   Nang makabili ng lahat ng kakailanganin at pasalubong, nagpatuloy kami sa pagtulak pa-Maynila. Malapit ng magtanghaling tapat ng marating namin ang Maynila at medyo naninibago lang ako sa kapaligiran. Si Lyka naman, kanina pa nakatitig ang mga mata sa nagtatayugang gusali at marahil ayfirst time lang makapunta sa pook urban. Sa sobrang tulala ng Lyka, di na nga kumukurap ang mata. Hindi muna ako dumeretso sa aming bahay at pansamantala munang nanuluyan sa bahay ng Tita Cleo. Samu’t saring dalang pasalubong ang hatid pagdating kaya naman tulong-tulong kami sa pagbubuhat pa-itaas at kahit abala ang Harvey sa paglalaro ng games sa Computer ay nagawa pa rin niyang tulungan kami. Kina Tita Cleo na rin ako nananghalian at pinalipas ko muna ang tanghali.

4c-b.    Kinahapunan, gusto ko pa sanang manatili ng ilang araw sa bahay nila Tita Cleo, may delikadesa ako at sa sikip at liit ng bahay nila'y baka wala na silang mahigaan kapag doon pa ako magpapalipas ng gabi, kaya nagpaalam na ako sa kanila. Panay pagpapayo ang ginawa ng Tita Susan sa akin bago ako umalis at dinaig pa si Mama. Sa bigat ng dalahin ko pauwi, halos ikalupaypay ko na sa tindi ng pagod pagdating bahay at tanging manggang indyano na aming sinungkit ang hatid kong pasalubong. Kahit bagsak na ang mata, nagawa ko pa rin magkwento kila Mama ukol sa naging karanasan ko ng manatili ng ilang araw sa Batangas at Quezon. Nagawa ko pang manood ng telebisyon subalit sa tindi ng pagod, hindi ko na natapos ang pinapanood at diretso tulog na.

May 05, 2014
Monday

Year II-125

4c-c.   Hindi tulad sa probinsya na kailangan ng bumangon kahit pupungas-pungas pa sapagkat sa lapag lamang kami natutulog at maagang naglilinis ng sahig ang Tita Glo. Akala ko'y walang gugulo sa akin na papikit pikit pagkat antok pa subalit namaling akala ako ng gisingin ng Papa at bumangon na. Siyempre’y kaagad akong bumangon at nag-almusal. naririto na ako sa dapat kong paglagyan pero heto pa rin ang pusong naninibago, marahil ay nasanay lang ako na tuwing umaga'y mga huni ng ibon ang maririnig at nagtatayugang puno ng niyog ang makikita pero nasa Kalakhang Maynila na ako't tsismis ng kapitbahay ang mauulinig at ligalig ng mga batang kay aga kung maglaro. Kahit saang anggulo tingnan, malaki ang pagkakaiba ng Maynila sa probinsya't masasabing bawat isa sa kanila'y may pangit at maganda. Pangit lang dito sa Maynila pagkat maingay, puro polusyon ang 'yong malalanghap at dikit-dikit pa ang bahay na kapag may sunog, madaling kumalat.

4c-d.   Ang pangit lang sa probinsya, dahil maraming puno'y kung ano-anong insekto ang dadapo sa katawan, kapag nadapua'y pantal na nagsusugat-sugat ang matatamo at isa pa'y madilim sa gabi, kapag madilim ay takot na di dapat katakutan ang namamayani sa dibdib pagkat usap usapang may Manananggal na nangunguha at naglipana raw ang mga aswang at maligno. Siguro nga'y ginawa ng Panginoon ang mundo na di perpekto at kahit sabihin nasa kanya na ang lahat, may kapintasan pa rin sa kanya. Matapos mag-almusal, naghugas ako ng plato at ginampanan muli ang gawaing bahay, ngayon ko lang muli magagamit ang kamay matapos ang pamamalagi ko sa probinsya na pa-relax relax lang.

4c-e.   Sunod ay pagbabasa ng Pocket book ang inatupag ko. Sa kasarapan ko sa pagbabasa'y di namalayang tanghali na't oras na upang mananghalian. Ang init sa labas, mas lalo pang lumala kaya kahit bukas na ang bentilador ay di pa rin sapat. Nagdurusa na nga tayo sa matinding init, tapos may sinabi pa ang PAGASA na nagbabanta raw ang El Niño sa bansa. Kung nagkataong mangyari iyon ay dapat tayong maging handa't tibayan ang loob na kaharapin ang kalamidad, pana-panahon lamang iyan. Kahit kainitan ang panahon, nagawa ko pa ring mag-Siyesta. Diretso ako sa computer shop pagdilat ng mata. Magmula ng magtapos ako sa pag-aaral bilang High school ay ngayon ko lang binuksan ang account sa Facebook, laking tuwa ko pagkat daming nag-suggest sa akin as friend, mga limampu marahil.

4c-f.   Habang naglalakad pauwi, doon ko naisip na malaya ako kapag naririto. Malaya kong naikikilos ang katawan na parang nanlalambot, malaya kong naipapakita kung sino ako, di tulad sa Probinsya at kapag kasama mo ang kamag-anak doon, kailangan ay maginoo ka sa pagkilos maging sa pananalita at bawal ang mahinhin dahil kung hindi, kakalimutan ka nila bilang kaanak at itatakwil. Sa katunaya'y di ko ipinapabatid sa kanila na ganito ako maski yung malalapit sa akin. Buti pa yung iba, malayang naipapakita kung sino sila't tanggap sila kahit kamag-anak pa. Takot ang nangunguna sa dibdib at hiya ang dahilan kung bakit patuloy ko itong nililihim. Tanggap ako ni Mama at Papa kung anong pagkatao ang nanalaytay sa katawang lupa, di ko lang alam kung magagawa din ba nilang tanggapin.

May 06, 2014
Tuesday

Year II-126

4c-g.   Tirik na ang Bukang-liwayway na nagpapahirap sa masang Pilipino dahil sa taglay nitong napakatinding init tuwing tanghali't halos lahat sa kasamahan ko'y kanina pa gising ng ako'y dumilat. Kaagad kong ginampanan ang gawaing bahay pagkabangon. Pakiramdam ko'y may silbi ako kapag nagwawalis at naghuhugas ng plato at kinagisnan ko ng gawin iyon tuwing umaga, nanrurupok ako kapag nakaupo lamang at nakatingin sa kawalan. Isa pa, kasiglahan ng kalooban ang dahilan kung bakit ako sinisipag sa gawaing bahay at ipapagpatuloy ko iyon hanggang sa magwakas ang mahabang bakasyon. Buti pa ang Mama, nakaupo lamang sa isang tabi pero kumikita pa rin dahil sa binebenta niyang mangga. Laking tuwa ko naman pagkat patok sa mamimili ang Apple Mango namin, samantalang kanina pa nakaabang ang mga bata't sabik na sabik na mapasakamay ang Mangga pero wala naman pangbayad kaya halos mamalikluhod na sa pagmamakawa, mabigyan lang ng mangga subalit patuloy sa pagmamatigas si Ina at pinapalayas sila.

4c-h.   Ang kukulit naman kasi at ang iingay pa kaya sa halip na mahabag, nakakabwisit. Hindi ko alam kung bakit marami sa bata rito, sabik na sabik at takam na takam sa Mangga namin samantalang sa aking panlasa'y di naman kaaya-aya. Mukhang ang bungang Mangga ang magtataguyod sa amin sa lahat ng pangangailangan at kagustuhan pagkat kaagad naubos ang binebenta ni Mama na Mangga at limpak limpak ang kanyang kinita. Batid kong may kasamang pagbubunganga kapag nanghingi ako ng pera subalit ginawa ko pa rin, mabilis pa sa guhit ng kidlat kung ibigay ni Ina ang kwarta at kahit kakarampot lamang ay saya at di pagkadismaya ang namayani sa dibdib dahil naramdaman kong napunta ako sa napakabuting ina. Sa tuwing manghihingi ako ng pera kay Mama, parang may batong nakaharang na kailangang tibagin bago mo makuha ang gusto at ganon madalas ang Mama.

4c-i.   Hindi maganda kung ikaw ay magmaramot lalo na kapag sagana ka naman sa anong mayroon ka, hindi pinapagpala ang taong may matigas ang puso. Hangga’t mayroon ka, matutong magbigay at ipamahagi dahil iyon ang gusto ng Panginoon. Mas mahalaga na ikaw ang nagbibigay kaysa tumatanggap. Malapit nanaman sumapit ang tanghaling tapat kaya ang init na nadarama, umiigting muli, marahil ay matutuloy na ang panahon ng El niño. Habang nanonood ng telebisyon, kita ko ang hirap ng kalagayan ng mga magsasaka pagkat kinakapos na sila sa Irigasyon at nalalanta na ang pananim, kung ito'y magpatuloy ay malamang, wala na tayong kakaining bigas. Karamihan rin sa mga Dam, malapit na sa Critical level ang tubig dahil sa patuloy na pagbaba't kung patuloy ang ganitong panahon, malamang ay lulupaypay na tayo at masasawi dahil sa matinding uhaw. Malaki ang mawawala kapag natuloy ang El Niño at huwag sanang mangyari iyon. Dapit hapon na subalit dama pa rin ang init sa labas at tanging buhos ng ulan ang mag-aahon sa aming dinadanas.

4c-j.   Ilang araw ng nagloloko ang Tablet kapag may files akong isi-save kung kaya ipinakonsulta ko na ito sa magaling na technician subalit wala siyang nagawa. Umuwi akong lumong lumo kahit sabihing maliit na problema lamang sapagkat mahalaga iyon sa akin at kapag may project ako, di ko mapapakinabangan ang Tablet dahil sira ang office nito. Sa init ng panahon kahit kumagat na ang dilim ay nagpahangin muna ako sa labas at nag-soundtrip. Maya-maya’y nanood ako ng telebisyon, maganda at napakahusay ng eksena sa The Legal Wife pagkat nagsalpukan na sila Monica at Nicole at lalo pang kaabang-abang ang kaganapan kapag sila'y nagsasapawan. Matapos manood ng telebisyon at dahil di pa inaantok ay nag-soundtrip muna ako. Gumagaan ang loob ko kapag nakakakinig ng Love songs.

May 07, 2014
Wednesday

Year II-127

4c-k.   Kita ko na ang kislap ng sinag ng araw sa bintana sa pagdilat ng matang kagagaling lamang sa himbing kaya di na ko patumpik tumpik pang bumangon at humigop ng mainit na kape. Nang mainitan ang sikmurang buong magdamag na pipi't malamig, heto muli ako na gagamitin ang ipinagkaloob na kamay at paa para sa gawaing bahay at nararamdaman kong may halaga ako kapag nagagampanan ko iyon. Isa pa, malaya kong nailalabas kung sino talaga ako ng walang takot pagkat tanggap nila ako di tulad na kapag kasama mo ang taong kakakilala mo pa lamang sa kanya o sa palagay mong di ka matatanggap kung sino ka, kakailanganin mong magpanggap para di ka nila layuan subalit masakit sa dibdib kapag may itinatago ka, parang dumi na kailangang ilabas dahil kung hindi, patuloy na sasakit ang sikmura mo.

4c-l.   Siguro nga kailangan ko ng ilahad kung sino ako, ang hinihintay ko na lamang ay ang lakas ng loob. Hindi man lang ako nahapo matapos ang gawaing bahay at marahil ay iyon ang kaligayahan ko. Nababato nanaman ako kapag walang ginagawa kaya nanood ako ng telebisyon. Sana lahat ng mga bata at mga kabataan ay maging katulad ni Pinocchio na salbahe nung una pero naging napakabait na bata naman sa huli kaya ginawa siya ng diwata na tunay na bata, karamihan kasi sa mga nakakasalumuha kong kasing edad o mas bata'y magagaspang na ang pag-uugali, tulad na marunong magmura at minsan ay nakakagawa ng mga bagay na di tama at masama pa. Oo sabihin nating tao lamang sila pero di nangangahulugan na madalas ay puro pagkakamali ang gagawin dahil sa kinakatwiran mong tao ka lang, ginawa tayo ng Panginoon bilang tao di upang gumawa ng pagkakamali kundi pangalagaan ang iba pang bagay na kanyang nilalang.

4c-m.   Napakasuwerte natin dahil tanging tayo lang ang may kakayahang makapag-isip at magsalita, kaya sa halip na gamitin iyon sa di paggawa ng tama, bakit di nating subukan gamitin ito sa mabuti, ng sa ganun ay ipagmalaki tayo at itatak sa isipan na karapatdapat ka sa kaharian ng Panginoon bukod sa ikaw ay matalino. Dahil sa pagkakamali, sa panahon ngayon ay maraming kabataan ang maagang sinusuong ang pagiging magulang kahit di pa sapat ang kakayahang pangalagaan ang kanilang responsibilidad.

4c-n.   Walang pinag-iba ang init na nadarama sa pagsapit ng tanghali at halos wala ng maipawis sa tindi ng tagaktak, upang di ma-dehydrate, nakailang baso na ako sa paglagok ng tubig. Matapos lumamon ng masarap na tanghalia'y pagbabasa ng Pocket book ang sunod kong inatupag. Sa halip na maging progresibo ang pag-unawa ko sa English, inantok lamang ako hanggang sa maidlip ng tuluyan. Mga ikatlo na ng hapon ako nagising at palihim na nagbihis pagkat tutungo ako sa Ever Gotesco mall upang ipaayos ang Tablet at cellphone. Sa Team point ko sana ipinakonsulta ang Tablet subalit wala silang alam kung paano ayusin ang office kundi magbutingting lang ng sirang piyesa. Ipapaayos ko rin sana ang cellphone na ilang araw ng patay pero sakit sa bulsa ang pambayad. Sa City light ako nagtungo at sinabi nilang baterya ang problema.

4c-o.   Habang kausap ko ang technician ay panay ang paghalakhak niya na di ko mabatid ang puno't dulo, hindi ko na lang inintindi iyon. Napilitan akong bilhin ang baterya kahit kapos ang pera ko. Napapayag ko naman siya kaagad ng ako'y tumawad kahit na siya’y tinotopak. Pagdaan sa Session Road lulan ng tricycle ay kita ko kung bakit maraming tao ang nakikiusyoso at di ko malaman ang dahilan. Nalaman ko lang ng marinig ko sa nag-uusap na tricycle driver at kahindik hindik ang nadinig ko pagkat may isang taong walang muwang na basta na lamang binaril. Napaisip ako na kahit wala kang ginagawa, basta ka na lang babarilin ng mga loko-loko o marahil ay may nakaaway siya. Balak ko sanang magtungo sa bahay ng kaanak subalit takot ang pumigil sa akin at mahirap na baka ako sumunod. Ingat ingat na lang kapag may time.


May 08, 2014
Thursday

Year II-128

4c-p.   Maliwanag na sa labas kung kaya bumangon na ako. Pagkatingin sa malaking orasan ay Alas-siete pa lamang ng umaga. Maaliwalas ang lagay ng panahon at makikitang malinis ang kalangitan because it is free from cloud. Mukhang di pa matatapos ang paghihirap natin dahil sa alinsangan ng panahon at ipinapasadyos na sana'y umulan na. Nang masiguradong malinis ang buong bahay mula harap hanggang likod, naupo ako at nagbasa ng Pocket book. Habang abala sa pagbabasa ang biglaang pagdating ng bisita kaya naiilang ako. Si Mama naman ay ipinalandakan sa mga bisita na masipag akong magbasa at labis ko iyon ikinatuwa. Kahit hirap sa pag-intindi sa talinghaga ng mga salitang aking binabaybay ay nagpatuloy pa rin ako sa pagbabasa. Sa haba ng kwento, bigo ko itong tapusin at tinamaan na rin ng katamaran kaya nanood na lamang ng telebisyon. Pagsapit ng tanghali'y kakaibang init ang aming nadama at di lang basta nakakapaso kundi matutusta ka na kapag magbibilad.

4c-q.   Madalas ay parang preso kaming nanatili sa bahay at panay ang pagpaypay. Kailan kaya matatapos ang kalbaryong aming dinaranas, kung ikukumpara'y mas mainit ngayong taon kaysa dati at pakiramdam mo'y parang lagnat sa init. Bahagyang kumulimlim pagsapit ng hapon at mukhang uulan na. Gawa na nababato ako, nanood ako ng Meteor Garden. Habang nagpapakasasa sa panonood ng Meteor Garden ang di inaasahang pagpatak ng ulan subalit tikatik lamang at di sapat upang maibsan ang init. Sa takot na biglang kumidlat at mapinsala ang telebisyon, labag man sa aking kalooba'y pinatay ko pa rin. Maya-maya’y bumuhos na nga ang malakas na ulan at laking pasalamat namin pagkat biniyayaan kami ng milagrong tubig na mag-aahon sa amin mula sa matinding init.

4c-r.   Maraming mga bata ang sinamantala ang pagkakataon na maligo sa ulan, ibig ko sanang maligo pero takot ang namutawi sa dibdib na baka bumalik ang sakit kapag ginawa ko iyon. May haka-haka na kapag bumuhos ang unang ulan sa Mayo'y tinatawag itong Agua de Mayo at magiging malusog ang sinumang maliligo o kahit matuluan lamang pero di ako naniniwala sa pamihiing iyan, ang pinaniniwalaan ko'y kaloob ito ng maykapal. Dahil sa ulan kaya di ko na napanood ang Meteor Garden. Tumigil naman ang ulan pagsapit ng gabi kung kaya napanood ko pa ang programang sinusubaybayan gabi-gabi. Isa talaga sa matinding kalaban kapag may kabiyak ka ay ang tukso, tukso ang dahilan kung bakit nagagawang mangaliwa ng asawa. Kailangang pigilan ang tukso upang mapagtibay ang pagsasama ninyong dalawa.


May 09, 2014
Friday
Year II-129

4c-s.   Matinding sipon ang gumising sa akin ng madaling araw. Hindi ko batid kung bakit ako sinipon lalo na't di naman ako naligo sa ulan. Sipon ang nagpahirap sa pagtulog ko't wala akong ibang ginawa kundi ang suminga. Naulinig ko muli ang mahaba't mapupusok na sermon ng ina na kaaga-aga. Darating na nga sa puntong muntikan ko ng sagutin kung di ko lang mapigilan ang sarili pero di ko nagawa. Sa tuwing magkakaroon ng sipon ay palaging may hinahanap na dahilan at iyon ang isusumbat sayo. Marahil ay ganun na talaga kapag nagkakaedad ka na, madalas umiinit ang ulo. Ng bahagyang bumuti-buti ang pakiramda'y nakaidlip pa ko. Tila di ako dumanas ng pagkatakot takot na uhog pagkagising kaya naman ang umaga ko'y nanatiling maganda at may sigla. Sa sobrang sigla na aking nadarama, nagawa ko pa rin magwalis kahit na ang alikabok ang nagpapataas ng posibilidad na magkaroon ng sipon. Hindi pa ko nakuntento sa gawain at nagpunas punas pa ng sahig. Masarap tumira kung ang bahay ay malinis kahit na maliit lamang ito.

4c-t.   Matapos ang gawaing bahay ay nagtungo ako sa computer shop. Wala pang gasinong umuupa kung kaya tahimik at magandang pagkakataon upang makapag-isip ng sasabihin sabay post sa Facebook. Wala akong ibang ginawa kundi ang mag-add kahit di mo naman kilala at magtingin-tingin ng photos hanggang sa may nakita akong isang Guy na bukod sa makisig ay nakakaakit ang kanyang kakyutan. Di ko 'to ginusto pero malakas ang fighting spirit ng Photo niya't binuhay nito ang natutulog kong puso. Nagustuhan ko ang picture niya kaya nagawa ko pa itong i-save sa Memory card. Pagkauwi’y palihim kong tinitigan ang photo niya at kapag ang mata mo'y napatutok sa kanya, hindi mo mapigilang ang sariling titigan iyon at di mo magawang ialis ang paningin. Hindi siya sikat at lalong di artista subalit para sa akin ay "Boom panes" ang mga artistang kinahuhumalingan ng mga girls sa kanyang gandang lalaki.

4c-u.   Itinigil ko naman ang pagtitig ko "Boom panes" niyang larawan kinalaunan at nag-Siyesta. Ang init ng panahon, sobra-sobra at tila malapugon sa init. Wala tayong magagawa kundi ang magtiis at hintayin ang ulang mag-aahon mula sa init. Heto na nga at bahagyang kumulimlim, nagbabadya na marahil ang pagbuhos ng ulan. Hindi pa man pumapatak ni isang butil ay patakbo-takbo ng nakahubad ang mga paslit at sabik na sabik na maligo sa ulan subalit ang inaakalang uulan ay nagkakamali pagkat di natuloy at humangin lamang. Tuloy ay di pa nagwawakas ang pagdurusa namin sa init. Naging kaabang-abang ang eksena sa Mirabella sapagkat ang babaeng madalas layuan at laitin dahil sa kakaiba nitong hitsura, sa isang iglap ay naging magandang dilag ito't kahit sino'y mapapatingin at tulala.

4c-v.   Mali na gamitin niya ang kagandahan sa paghihigante pero dapat lamang iyon kung labis naman siyang naagrabyado. Patunay nga ang taong nasa ilalim, nasa ibabaw sa huli at madalas mangyari ito kaya huwag basta maliitin ang kapwa, malay mo, kapag dumating ang panahon ay mas angat pa ang buhay niya kaysa sayo. Dala na di dinadalaw ng antok, nakinig muna ako ng musika. Sarap sa teynga ang musikang banayad lamang at may hatid na mensahe. Boom panes!


May 10, 2014
Saturday

Year II-130

4c-w.   Hirap pa ang mata sa pagdilat gawa na inaantok pa subalit kailangan ko ng gumising ng maaga sapagkat ngayon araw kami tutungo ni Mama sa UST upang kuhain ang Medical Certificate. Matagal na akong di inaatake ng hika subalit kailangan pa rin limitahan ang aktibidad ng sa ganon ay di na nga bumalik ang sakit. Dahil sa dala-dala kong hika hanggang sa pagtanda'y di ako makakasali sa mga palaro. Malungkot kapag nakaupo ka lang samantalang nag-e-enjoy sila sa iba't ibang palaro tuwing PE time. Mas maigi marahil na sundin ko ang payo nila alang-alang sa aking ikakabuti at di muli mauwi sa malaking gastos.

4c-x.   Malapit ng mag-ikasiyam ng marating namin ni Mama ang UST. Wala pa si Doctora Dacayan pagdating sa clinic at upang hindi mainip sa kakahintay, pakikinig ng musika ang inatupag ko. May kaunting tampo akong naramdaman kay Mama, paano sa tuwing kinikibo ko siya't kakausapi'y palaging ilalagay ang daliri sa bibig sabay sasabihing huwag maingay, hindi naman malakas ang boses ko't isa pa'y may nag-uusap naman kaya may karapatan akong umimik. Hindi ko batid kung bakit iba ang pakikitungo ni Mama. Anak niya ko't wala siyang karapatang pigilan ang sasabihin ko unless if my voice make an intense noise. Ilang saglit pa'y dumating na si Doctora Dacayan at pumasok na kami. May ilang bagay lang na naipayo ang doktora na kailangan kong gawin pero madaldal ang Mama at isiniwalat na sinipon ako nung isang araw at minsan lang mag-take ng inhaler kaya nasermunan tuloy ng Doktora.

4c-y.   Tinurukan pa ako ng bakuna bago kami lumabas at pagkakuha ng katibayan ay diretso lakad na kami palabas. Dahil sa nangyari kanina'y nawala na ang lakas ng loob na kibuin si Mama. Bago kami magtungo sa Cubao upang bumili ng bag at sapatos ay kumain muna kami ng Mama sa McDonalds. Matapos kumain ay tumulak na kami pa-Cubao at sa Farmers namili ng bag. Hindi likas sa akin ang pagiging fashionable kaya nahihirapan ako sa pagpili ng Bag. Kanina ko pa napapansin na may iba kay Mama at madalas ang pagsusungit. Naiintindihan ko kung bakit iba ang timpla ng ugali niya pero ng may salita siyang nabitawang di kaaya-aya, kahit kakarampot lang at di direkta'y nadurog ang dibdib ko. Sabihin ba naman niyang huwag akong magnakaw, parang ipinapamukha niyang magnanakaw ako't kung nagkataong may nakarinig, malamang ay kamumuhian ng mga dumadaan pagkat iisipin na magnanakaw.

4c-z.   Labis akong nainsulto sa sinabi niya’t hindi ko batid kung ano ang pumasok sa isip ng ina't nasabi niya iyon. Di lang basta tampo kundi muhi na ang namutawi sa dibdib kaya di na ko sumunod kung saan siya nagtungo. Sa sobrang sama ng loob ay dumating sa puntong gusto ko ng umuwing mag-isa. Nang mabatid ni Mama ang saloobin ko, siya pa ang may ganang magalit sa halip na humingi ng tawad. Di pa nagkusa at kailangan ko pang mag-demandng apologize sa kanya. Kahit di taus sa puso ang paghingi ng tawad ay gumaan na rin ang loob ko't mukhang bumabawi naman si Ina pagkat nagsusumikap siya na mahanapan at mabilhan ako ng bag. Habang naglalakad ay may isang matangkad na lalaki ang lumapit sa amin at nanghikayat na magpamasahe sa kanya gamit ang mamahaling makina. Patuloy kaming kinulit ng makisig na lalaki’t sadyang nang-aakit kaya pumayag na kami.

4d-a.   Masarap sa likod ang paghagod ng makina pero habang tumatagal ay padiin ito ng padiin kaya nasasakal at nasasaktan ako. Matapos magpamasahe, nagtungo na kami sa tiyange at namili ng bag at sapatos. Todo tanggi ang Mama sa bawat bag na pipiliin ko pero di ko siya sinunod. Sa huli ay kagustuhan ko pa rin ang nasunod sa pagpili at masaya ako pagkat may bago ng akong kagamitang pang-eskwela, hindi na importante kung punahin ng iba. Sunod ay nagtungo kami sa National bookstore doon naman sa Gateway at naghalungkat ng mga libro. May samaan man ng loob kanina, dahil bonding naming dalawa'y unti-unti ng bumabalik ang aming pag-aayos. Sa kakalakad at dami ng napuntahan, diretso tulog ako pagdating sa bahay. Malapit na rin ang piyesta sa Sitio Taniman kaya naging napakaingay ng gabi dahil sadisco. Gusto ko sanang magtungo sa disco at magpakitang gilas sa pagsasayaw pero huwag na't baka madiskubre at mapa-Boom panes pa sila.


May 11, 2014
Sunday 

(Mother's day)
Year II-131

4d-b.   Espesyal ang araw na iw1to para sa lahat ng ilaw ng tahanan na walang sawang ibinubuhos ang pagmamahal sa kabila na minsan ay suwail na ang anak. Kahit lupaypay na sa dami ng kanilang obligasyong kailangang tapusin ay gagawin pa rin ang laha, umaayos lamang ang pamumuhay ng natin, mahirap man minsan gawin. Pagkagising at ng makita si Ina, kahit nagkaroon ng sama ng loob sa kanya ay masigabo ko pa rin itong binati. Ang hugasin sa lababo na sandamakmak at upang matuwa't mabawasan ang alalahanin ni Ina ay inaksyunan ko na. Lalo pa kong ginanahan sa gawaing bahay dahil sa tugtog pang-saxophone at nakaka-relax sa pandinig. Maya-maya'y nagkaraoke ang Ate at muling ipinarinig ang kumikinam na tinig. Hindi man pinagpala ang boses ko, bilang pampalipas oras ay lakas loob akong umawit, nakakainis lang sa boses pagkat palaging kapos.

4d-c.   Kapag tinaasan ko ang pagbirit ay napipiyok talaga't samantalang tila walang buhay kapag binababaan naman. Palaging may mintis kapag ako'y nakanta. Buti pa ang Ate, kahit anong awitin ay bagay sa boses niya't kering kering kantahin. Tumigil lang ako sa pag-awit ng may bisitang dumating at di ko alam kung bakit nagawa ko ito't laking pagsisi ko pagkat di ko dapat ikahiya ang natatanging boses, hiya ang nagtulak kung bakit napilitang tumigil sa pagkanta. Kanina pa ako gutom subalit wala pang nakahaing ulam pagkat nailaan nila Mama ang dapat sana'y oras ng pagluluto sa pagbirit, Mother's day naman kaya hinayaan ko na lang siyang gawin kung ano ang magpapaligaya sa araw niya. Bibili sana ng ulam pero naunahan na 'ko ni itay at dala ng matinding gutom ay walang pasintabi akong lumamon kasama ng paglagok ng softdrinks. Nang maumay ay naupo pansamantala't pakikinig ng musika ang naging pampalipas oras ko.

4d-d.   Maya-maya at kahit tirik ng husto ang haring araw ay nagawa ko pa rin lumabas at magkumpyuter. Habang abala sa pakikipag-chat through Facebook ay may kasamahan akong napakakulit ng kamay at kahit sino'y walang hiyang kinakalabit maski ako, lumingon ako sa likuran nagbabakasakaling kakilala pero ibang mukha't sadyang napakarusing pa. Sa una'y ayos lang pero ng inulit ay doon na ako nagsimulang mabanas. Kalalakas nilang mang-trip at bukod pa roon ay maingay pa. Darating na sa puntong malapit na akong sumabog sa pagkapikon at ibig ng pag-uumbagin sila pero pagiging pasensiyoso ang pinairal ko. Umalis naman sila kinalaunan at kung mangyayaring magtagal, makikita na nila ang tinatago kong tapang pagkat malapit na akong sumabog sa pagkabanas. Sa kabila na di inaasahang pangyayari'y umuwi akong walang gulong naganap. Habang nakaupo't sarap ang teynga sa pag-soundtrip ang biglang pagtawag ng Jessa. Hindi naging maganda ang signal kaya di kami magkaintidihan, gawa na chappy ang boses ay itinigil ko na ang pakikipag-usap sa kanya.

4d-e.   Kinagabiha’y laking gulat ko ng mapagalitan ni Ama dahil sa naiwala kong T-shirt. Isang linggo na iyon nakalipas pero bakit ngayon lamang umaalma't masasakit na kataga ang abot ko na tanggap ko naman pagkat totoo. Tama lang na sabihin niyang burara ako, hindi ko maintindihan sa sarili kung bakit madalas akong mawalhan ng gamit kahit anung ingat ang gawin ko, bata pa ko pero ulyanin na minsan at iyon ang kinakabahala ko. Labis akong nadismaya sa pangyayaring di dapat kung masinop lang ako. Idinaan ko na lang sa panonood ng comedy show ang pagkadismaya at naibsan naman kahit paano kung kaya naging panatag pa rin ang pagtulog ko. Kailangan pa ng ibayong ingat sa susunod upang di na mawalan at sabihing burara.


May 12, 2014
Monday
Year II-132

4d-f.   Sumapit muli ang Lunes kaya balik muli sa dating gawi at iyon ay kumayod ng sa ganon ay umangat pa lalo ang buhay. Sa tindi ng antok, pilit ko man idilat ang mata subalit napikit pa rin. Pinagsasampal ko na nga ang mukha, magising lamang. Gawa na nagugutom ay diretso hugas ng plato ako sa halip na mag-almusal. Naging napakatahimik ng kapaligiran at walang kabuhay-buhay ang umaga ko kung kaya naisipan kong makinig ng awitin. Magagandang awitin ang nagbigay gana upang gampanan ng maayos ang gawaing bahay at sumisigla ang kalooban ko sa tuwing may tugtog, kaso di ko magawang lakasan pagkat may natutulog pa. Pinatay ko naman kaagad ang malumanay pero nakakapagbigay sigla na awitin matapos ang gawaing bahay at naging libangan ko muli ang pagbabasa ng pocket book. Kahit anung pilit unawain ang bawat pangungusap ay wa-effect at inaantok lamang ako pero nilabanan iyon alang-alang sa aking ikakatuto.

4d-g.   Matinding init muli ang naranasan namin pagsapit ng tanghali't tila nagbabanta na nga ang panahon ng El Niño. Sa sobrang init, kahit na sinong nilalang ay hindi magagawang manatili sa labas. Hindi ko na makaya pang pagtiyagaan ang napakainit na panahon kaya ako'y naligo na. Medyo tinamaan ako ng pagkaantok at anung pilit gawin, malabanan lang ay sadyang matindi't hanggang sa makatulog ako. Sa kasarapan sa pagtulog ay mga ikalima na ng hapon ako nagising at diretso bukas ng telebisyon upang antabayanan ang Meteor Garden. Iba talaga ang alinsangan ng panahon ngayong taon, kakaiba't maging sa pagsapit ng gabi'y patuloy pa ring nadarama.

4d-h.   Bukod sa mainit ang gabi'y maingay rin kung kaya di ko maulinig ang kabigha-bighaning palabas na aking sinusubaybayan gabi-gabi. Kung iisipin, kahit madilim at malamok ay mas maiging manirahan sa probinsya pagkat payapa, bukod pa dun ay makakapag-isip ka ng maayos at makakapagbasa nang walang gumagambala. Kahit todo na ang pag-inog ng bentilador, di pa rin mapawi ang init na nadarama na siyang dahilan kung bakit hirap sa pagtulog. Kung kailan gusto ng matulog ay di naman inaantok, may mga bagay talagang di akma ang pangyayari't kailangang paghandaan kahit hindi naman magaganap sa huli, unexpectation will be happened sometimes, the important thing is be ready all times than to get a regret at the end.


May 13, 2014
Tuesday

Year II-133

4d-i.   Kahit inabot na ng hating-gabi bago makatulog ng lubusa'y maaga pa rin akong nagising. Wala nanaman kabuhay-buhay ang umagang sumalubong sa panibago kong araw, kung kaya naisipan ko muling magpatugtog. Ang kaninang umagang walang buhay at matamlay, napalitan ng umagang napakakulay at iyon ang dahilang kung bakit sinisipag muli ako sa gawaing bahay. Lumalakas ang loob ko sa tuwing makikinig ng awitin. Ang siglang namumutawi sa kalooban, natuldukan pagdating ng Ate galing trabaho at kailangang ko ng pahinaan, palagi na lang akong nag-a-adjust at umuunawa sa kapwa pero siya ba, nagawa bang unawain ako't siya pa ang may ganang sumama ang loob kapag di mo naibigay ang gusto niya. Malawak ang pag-unawa ko sa aking kapwa pero kung sasamantalahin nila at aabusuhi'y ipagkakait ko na sa kanila iyon at mas maiging makasarili na lang paminsan-minsan kaysa maisahan.

4d-j.   Kapag makasarili ka naman, may sumasama ang loob samantalang inaabuso ka kapag palagi kang nagbibigay. Bakit ganon ang ugali ng Pilipino, mahilig umasa sa kakayahan ng iba't patuloy nilang sasamantalahin iyon, pero kapag wala ng silbi, parang basurang basta na lamang iiwanan. Tila mahilig sila manggamit. Tama lang siguro na mapabilang tayo sa Third world country pagkat karamihan sa atin, di marunong tumayo sa sariling paa kapag walang nakaalalay. Kaibigan ka lang nila kapag may kailangan pero kapag wala, hitsapwera ka na lang sa kanila. Tumatabi lang siya pagkat ika'y matalino at batid niyang pakokopyahin mo siya't parang lintang dikit ng dikit sayo, pero kapag mahina ang tuktok mo, patuloy ka niyang inaalipusta at mabilis pa sa Alas-kwatro kung kamuhian ka niya. Ugali na talaga ni Juan dela cruz ang pagiging opurtonista.

4d-k.   Maya-maya pa'y ipinagpatuloy ko ang pagbabasa ng pocket book hanggang sa sumapit ang tanghali. Kanina pa kumakalam ang sikmura subalit di ko naibigan ang lutong ulam, nagluto pa ko't sarap toda max sa paglamon pagkatapos. Hindi man bihasa sa pagluluto, nangangakong matututo rin balang araw. Matapos mananghalia'y ipinagpatuloy ko muli ang pagbabasa ng pocket book kahit mahirap unawain. Tinamaan muli ako ng lintik na antok kaya ako'y dagliang nag-siyesta. Hindi naman ako makatulog sa ingay ng mga batang kanina pa nakatambay sa harap ng bahay at may balak pang kuhain ang Mangga. Bukod sa maingay, pinapaltik nila ang bungang Mangga kaya panay kalugkog ang bubungan. Kahit bwisit na'y pinakausapan ko pa rin sila ng mahinahon pero sila itong matigas ang bungo.

4d-l.   At nang makatatlong beses ay ipinakita ko sa kanila ang natatagong bangis at parang ulagang nasigaw, sadyang hirap nilang sawayin. Dumating na sa puntong nagwala na ako sa tindi ng pagkabanas at nabalingan ko ang lamesang yari sa plastik. Sa halip na panigan dahil sa nasira ko ang mesa ay napagalitan ni ina't singbangis ng tigre kung magbanta siya. Napahiya ako sa kanyang ginawa pero di ko naman masisisi kung ganun ang naging reaksyon niya. Daming nakiusyoso sa pangyayaring di inasahan pero hindi ko sila pinansin at matiyagang inayos ang mesa. Sa hirap ng paglalagay ng kapirasong bahagi ng nasirang mesa, muntikan na akong umayaw pero ipinagpatuloy ko pa rin, maibalik lang sa dati.

4d-m.   Nagmistulang mamon ang puso ni Ina ng makitang ako'y nahihirapan na at ng matapos, kahit di naibalik sa orihinal na porma'y naging mahinahon pa rin siya. Gawa na ako'y labis na nababato'y naisipan kong bumisita kina Cathy. Anung saya ang nadarama ko sa dibdib kapag nasa kanila ako. Habang humaling sa panonood ng Meteor Garden ang biglaang pagdating nila Babylyn at hinikayat kaming sumali sa Sanguniang kabataan, sa kagustuhang makatulong sa pag-unlad ng aming lugar ay walang anu-ano kaming pumayag at nagpalista. Sumapit na ang gabi subalit ang init na nadarama'y wala pa ring pagbabago't maingay pa sa labas gawa ng mga batang walang kapaguran sa paglalaro kaya lakas loob ko silang pinagsabihan. Bahagyang naging payapa ang kapaligiran pagsapit ng ikasampo na aming pinagpapasalamat.


May 14, 2014
Wednesday

Year II-134

4d-n.   Sa kasarapang lasapin ang paghilata ngayong mahabang bakasyon ay malapit ng mag-ikawalo ng iawat ang sarili sa pagkakahiga. Ang katamaran sa pagkatao'y tila pinipigilan ako sa pagbangon subalit ang taong panaig lagi sa tamad, kailanman ay walang mararating at nilabanan ko iyon. Diretso gawaing bahay kaagad ang inatupag ko at upang malibang naman ang utak laban sa matinding stress sa kakaisip ng malalim ay naisipan kong maglaro sa computer. Habang ako'y labis na nasisiyahan ang di inasahang biglaang pag-alburoto ni Ina at panay ang kanyang pagbubunga na di ko malaman kung ano ang puno't dulo. Panay sumbat siya sa 'kin kaya sa muling pagkakatao'y napilitan akong sagutin siya, pati ang Papa na abala sa pagluluto'y nagawa niyang dakdakan at akala'y pinaglihi sa sama ng loob. Hindi namin malaman kung anong problema niya't dinaig pa si Miriam Santiago at Anabelle Rama kung manggalaiti sa galit. Marahil ay Menopause na.

4d-o.   Tumigil naman siya kinalauna't marahil ay napagod na. Panonood ng telebisyon ang sunod kong inatupag at sa dami ng masasamang loob dito sa ating bansa, marami ng bilanguan ang siksikan sa dami ng mga preso kung kaya ipinapanukala na ang house arrest upang maibsan ang pagsisiksikan sa bilanguan. Bukod pa diyan, nakakabahala na rin ang patuloy na pagbaba ng lebel tubig sa mga dam dulot ng matinding init at kailangan na talagang maghigpit ng sinturon sa paggamit ng tubig. Idaan na lang sa tawa ang problemang pinangangambahang mangyari ng lahat at halos ikasakit ng aking sikmura sa dami ng tawa sa Baliwan Cinema, bawat kilos at paraan ng pananalita ni Aling Dionesia ay gayang-gaya ni Vice Ganda at napapahalakhak ako ng walang tigil kapag ginagaya niya iyon.

4d-p.   Ngayong araw rin ang bisperas ng fiesta dito sa Taniman kaya kinagabihan, ingay ang nag-uumapaw sa dami ng mga taong pagala-gala kung kaya naisipan kong maghanap ng lugar na payapa. Sa bahay nina Tita Jean ko naisipang magtungo at nadatnan kong abala sa paglalaro ng laptop sila Tita Jean at Amihan ng salitan, si Habagat nama'y di mapigilan ang pagiging maharot, marahil ay na-miss ako at naghahanap ng kalaro. Ni anumang ingay ay di ko madinig kaya magandang pagkakataon upang tumira sa kanilang bahay at tanging kami lamang na masarap na nagkukwentuhan ang nakakalikha ng ingay at dinig ang isa't isa. Si AmihanHabagat at Tita Jean lamang ang nakita ko. Nagtatago pala ang Itang sa kwarto sa di malamang dahilan at mukhang ayaw magpakita sa 'kin. Iyon pala'y kinakahiya niya ang kutis ng kanyang balat pagkat umitim daw.

4d-q.   Kagaling lamang nila buhat sa Cagayan kaya pansin ko ngang bahagyang umitim ang kutis ng balat nila maliban kay Tita Jean na namamayagpag pa rin ang katisayan. Maya-maya’y biglang may dumating na isang dalagita. Siya si Ate Lentong na kamag-anak nila Amihan sa Mother side. Labis ang kaharutan ni Amihan nang makita si Ate Lentong at nasabat sa tuwing may pinag-uusapan sila. Sumapit nq ang ikasiyam ng magpaalam na ako sa kanila. Sa halip na diretso sa bahay ay nagtungo pa ako sa covered court at nanood ng Coronation night. Bukod sa Coronation night ay may Dance number din na kanya-kanya ang paghataw sa pagsayaw kaya kaming manonood ay di mapigilan ang paghiyaw.

4d-r.   Habang nakatayong mag-isang nanonood at palakad lakad ay saktong natiyempuhan ng paningin sina Poypoy. Ako lang ang bukod tanging walang kausap at kasama kaya nakisalamuha ako sa kanila at saya sa dibdib ang nadama ko. Pakiramdam ko'y malaya kong nagagawa kung ano ang ibig ko ng walang hiya-hiya dahil sa kanila pero ngayong gabi lamang. Kaagad na akong umuwi matapos makoronahan ang nanalong kandidato't kandidata. Sumapit na pala ang Alas-onse pagdating ng bahay at gawa na di pa dinadalaw ng antok ay naisipan ko munang manood ng telebisyon.


May 15, 2014
Thursday
Year II-135

4d-s.   Sa kadahilanang inabot ng hating-gabi bago makatulog ay tinanghali muli ako ng gising at mukhang bagsak pa rin ang mga mata. Nanamlay ako at upang maalis ang pagkatamlay ay nag-ehersiso ako. Bahagyang napalitan ng sigla ang kaninang sakop ng pagkatamlay matapos mag-ehersiso at maayos ko pa rin nagampanan ang gawaing bahay ng hindi man lang nahahapo. Dala na di pa nahahapo at habang di pa masakit sa balat ang sinag ng araw ay naisipan kong lumabas at magkumpyuter. Sa kasarapang makipag-chat with my friends on Facebook at pakikinig ng musika by using Youtube ay walang kamalay-malay na sumapit na pala ang ikasampo ng umaga at sa takot na maging uling kapag inabutan ng tanghaling tapat ay kinailangan ko ng umuwi. Kakaiba talaga ang init na hatid ng Summer season ngayong taon at masasabing di pangkaraniwan sapagkat hindi pa man sumasapit ang tanghali'y dama na ang matinding init kapag nasa labas ka.

4d-t.   Habang naglalakad ay pakiwaring sinisilaban sa impyerno't sakit ng ulo ang inabot ko pagdating ng bahay. Ako na lamang pala marahil ang di pa nakakapananghalian pagkat halos tira-tira na ang nakahaing ulam kung kaya diretso subo ako. Lalo pang sumidhi ang init na nadarama pagsapit ng tanghali't tila nagliliyab ang kapaligiran sa malaimpyernong init ng araw. Kahit anong paraan ang gawin, maibsan lang sa katawan ang init ay wa-effect at di kataka-takang unti-unti ng bumababa ang level ng tubig sa mga dam. Marahil ay tinatayang nasa 39celsius ang temperatura kung kaya ganito na lamang ang init. Dahil wala namang magawa ngayong Intense summer season, naisipan kong manood ng telebisyon at masaya muli ang araw sa Baliwan Cinema. Tilian at hiyawan ang mga audience ng makita sa personal ang kinababaliwang si Sandara Park at buti pa sila't nakita siya ng malapitan at nayakap pa. Sa init ng panahon, matapos manood ng telebisyon ay diretso ligo na ko.

4d-u.   Naibsan naman kahit paano ang init at laking pasalamat namin ng bahagyang kumulimlim, marahil ay bubuhos na nga ang milagrong tubig. Maya-maya pa'y bigla akong nakaramdam na tila nanghihina, marahil ay pagod lamang kaya itinulog muna. Pero parehas pa rin ang nadarama ko pagkagising at tila magkakasakit ako. Bukod sa nanghihina ang lagay ay nawalan rin akong gana sa pagkain kung kaya kakarampot lamang ang ulam na naisubo. Hindi ko alam kung bakit nararanasan ko ang ganitong kalagayan o marahil ay dala ng matinding init na nagresulta ng pagiging dehydrated subalit maling isipin ko iyon pagkat umiinom naman ng maraming tubig. Dahil sa pananamlay na kanina pang umaga nararanasa'y diretso tulog ako matapos manood ng paboritong programa.


May 16, 2014
Friday
Year II-136

4d-v.   Hindi talaga maawat ang sarili sa pag-idlip kapag bagong gising kaya sa halip na mapaaga ang aking gising ay tinanghali muli. Ang kahapong nanamlay at mukhang magkakasakit ay tila kabaligtaran naman ngayon at hindi natuloy ang aking pinangangambahang mauwi sa malaking gastos. Ni nagagawa ko na ngang kumilos ng maigi ng hindi nahahapo, di katulad kahapon na konting galaw lamang ay nanghihina na't di ko batid kung ano ang dahilan ng aking pananamlay. Matapos humigop ng mainit at matamis na makremang kape'y lalo pang sumigla ang aking kalooban dahilan kung bakit nagampanan ko ng maayos at walang kapalyapalya ang gawaing bahay. Sa taglay kong natatanging lakas at sigla na ibig gamitin ay balak ko pa sanang maglaba subalit naunahan na ako ni Ina.

4d-w.   Nagbasa na lamang ako ng English pocket book upang lalo pang maging bihasa how to speak english properly and if you are good for that then nobody will annoy you and they will proud of you. Sa ilang araw kong pagbabasa ng English pocket book, kahit paano'y nadadalian ng unawain ang nilalaman ng kwento't ito'y kakaiba sa lahat ng mga kwentong nabasa ko na. Sa sobrang abala ko sa pagbabasa ng pocket book ay di namalayang Alas-onse na pala't oras na upang lumamon. Diretso bukas ng telebisyon ang ginawa ko matapos kumain at mabundat. Ngayong panahon ng tag-gipit sa tubig ay kailangan ng magtipid sapagkat patuloy pa ring bumababa ang tubig sa mga dam dulot ng matinding init at ipinapasadyos na umulan na upang mawakasan na ang kakapusan sa tubig.

4d-x.   Bukod sa kinukulang sa tubig, sumabay pa ang biglaang pagpalya ng power plant na siyang nagsusuplay ng kuryente sa Kalakhang Maynila kung kaya nagkaroon ng rotational brownout. Buti na lamang at walang naganap na brownout dito pagkat nagliliyab ang init ng panahon. Bahagyang kumulog pagsapit ng hapon kaya ako nagising subalit hindi naman natuloy ang ulan at nanatili pa rin ang init sa kapaligiran. Maski gabi nga't di na nagpapakita ang nakakapasong init ng tanglaw ay dama pa rin ang init. Bukod sa mainit ay maingay rin sa labas kaya di ko marinig ang aking pinapanood. Sadyang hindi ako tinantanan ng hastleness pagkat mga nagliliparang lamok naman na walang habas na namamapak ng dugo ang dumadali sa aking pagtulog. Ano ba 'to at marahil ay wala ng ititindi pa ang nararanasan ko ngayon. nagkasabay ang tatlong Hastle M sa buhay ko at iyon ay mainit, maingay at malamok.


May 17, 2014
Saturday

Year II-137

4d-y.   Sumapit muli ang weekends at marami ngayon ang day off sa kanya-kanyang trabaho kung kaya magandang pagkakataon upang mag-relax then meditate. Sabog na ang liwanag sa kalawakan ng magising ang katawang lupa ko't di na patumpik tumpik karakaraka ng bumangon. Kakabato ang naging umaga ko kung kaya naisipan kong magpatugtog ng sa gayo'y malibang naman ako, kaso masyadong napakalimitado ang lakas ng tugtog pagkat may mag-uumapaw sa galit kapag aking nilakasan, di ko tuloy ma-enjoy ang musika. Sa kadahilanang di ko mahanap hanap ang aliw sa tugtog ay naisipan kong patayin ito. Sa tana ng buhay ko'y ngayon lamang nararanasan ang ganitong pagkabagot at kahit tirik na ang haring araw sa labas ay nagawa ko pa rin lumabas upang magkumpyuter. Nakakainis lang pagkat di pupwedeng magkabit ng card reader sa John Martin kung kaya napalayo pa ko't kina Ate Flor umupa.

4d-z.   Habang aligaga ako sa pag-edit ng data ang biglang pagdating ni Roxie at labis akong nadisturbo pero ayos lang at nagawa ko pa rin makipag-usap sa kanya sa kabila na abala ako. Maya-maya pa'y si Jeff Bryan naman ang sunod na dumating at nagpunta lamang siya sa computer shop di upang magkumpyuter kundi pagtripan ako na labis kong ikinaimbyerna. Matapos mgkumpyuter, dumaan pa ako sa bahay nila Auntie Cleng at nakipagkwentuhan. May naninirahan rin sa kanilang isang matandang babae’t nakipagkilala ako sa kanya. Pinalipas ko muna ang tanghaling tapat bago umuwi at sa bait ng Tita Cleng ay pinahiram niya ako ng payong sa aking pag-alis. Habang naglalakad pauwi'y kakaibang init na di pangkaraniwan ang nadama ko at umuwi akong pawisan. Pakiramdam mo'y parang inaapoy ka ng lagnat kapag nasa labas. Bahagyang umulan naman bago sumapit ang gabi subalit tikatik lamang ito't di nagtagal.

4e-a.   Maaga akong naghapunan pagkat ipinabatid sa akin ni Babylyn na may meeting ang mga nakisali sa Sanguniang Kabataan subalit di ako makakadalo kung di kasama si Cathy kaya nagtungo muna ako sa bahay nila. Hindi ko nadatnan si Cathy pagdating ng bahay subalit may isang binatilyong baguhan lamang sa aking paningin ang nakatira sa kanilang bahay, Daniel ang pakilala sa akin ni Ate Ging. Iba siya sa lahat ng lalaking nakilala ko, yung tipong maginoo kung kumilos at di maangas ang dating. Nakipagkwentuhan pa kami kay Ate Ging bago sila umalis. Nang kami na lamang tatlo ang naiwan sa bahay, hiya ang pumigil sa aking dibdib upang kausapin si Daniel at kilalanin ng husto, nakakailang. Nakipagharutan na lamang ako kay Jaka upang malibang. Saksakan sa kaligaligan ang Jaka't maya't maya ang sigaw kaya kami'y rinding rindi maging ang kapit-bahay.

4e-b.   Ilang sandali pa'y bumalik na sila Ate Ging at pansamantala akong umalis upang puntahan si Cathy sa church. Sa kabila ng maraming araw na di ako nakakadalo sa pagsamba't di tinutupad ang pangako kay Pastora Anna, naging mainit pa rin ang pagtanggap niya sa akin at panay udyok na magsimba bukas. Nakokonsensiya na ako kapag binigo ko muli ang Pastora Anna at dala na wala namang gagawin ay makakadalo na ako bukas subalit hindi ko yayakapin ni aanib sa kanilang relihiyon, ang mahalaga'y mapakinggan ko ang salita ng Diyos. Kaagad rin naman natapos ang practice nila Cathy sa choir at sinamahan ko siya hanggang sa kanilang bahay. Gustuhin ko man manatili sa kanila ng matagal sapagkat masarap at masaya silang kakwentuhan subalit kailangan ko ng umuwi sa takot na salubungin ang panibagong araw na nasa piitan.


May 18, 2014
Sunday

Year II-138

4e-c.   Sigla't punong-puno ng pag-asa na aasenso ang buhay ang naghahari sa muli kong pagdilat at di naman masama kung mangarap ng mataas, matutupad lamang iyon kung patuloy kang sumasampalataya sa dakilang maylikha. Ginampanan ko muna ang gawaing bahay bago magtungo sa JOLIA christian church at matapos ay kaagad na akong tumungo sa bahay nila Cathy subalit wala na ang mga ito ng datnat ko, kung kaya ay dumeretso na ako sa church. Nandoon na pala sila kasama si Daniel ng datnan ko't di pa nagsisimula angWorship. Ilang saglit pa'y nagsimula na ang worship at halos mayanig ako sa lakas ng tambol, marahil ay di lamang ako sanay subalit nagawa ko pa rin mag-enjoy sa kabila ng rinding rindi na. Tungkol naman kay God ang inaawit namin sa paraan ng pag-iingay at pasigaw kaya walang masama sa kapitbahay kung sakaling nadidisturbo namin sila.

4e-d.   Wala ng naganap pang testimonya sa harapan at kaagad na nagsimula ang bible study sa pangunguna ni Pastora Anna. Tuwa sa dibdib ang namutawi ng banggitin ng Pastora Anna ang pangalan ko't batiin maging si Daniel na bagong salta lang sa aming Christian community. Napakaraming bagay akong natutuhan sa turo ng Pastora't napakahalaga kung isasaisip ito't gagawin sa pang-araw-araw. Matapos ang bible study ay may ngitian kaming nakipagkamayan sa isa't isa lalo na ang Pastora at pakiramdam ko'y nasuklian ko ang kanyang kabaitan sa akin sa pamamagitan ng pagdalo. Matinding sikat ng araw ang sumalubong sa aming paglabas at si Cathy at Daniel lamang ang nakasama ko sa pag-uwi. Batuhan kami ng pahirit na salita habang naglalakad at kahit abot langit na ang tawanan namin ni Cathy ay walang epekto kay Daniel na di man lang naimik.

4e-e.   Nang pansamantalang iwan kami ni Cathy, kahit may hiya pa rin sa dibdib ay nagawa ko pa rin makipag-usap kay Daniel at doon lamang ako nagkaroon ng lakas loob na ipakilala ang sarili. Maamo ang tono ng kanyang boses at di man lang makititig ng diretso sa akin kundi madalas ay nakayuko, maski nga ako'y di makatitig ng diretso sa kanya dahil kakailang ang kanyang gandang lalaki. Ang tagal bumalik ng Cathy at mukhang sinadyang iwan kaming dalawa, naglakad na kami pauwi. Diretso lamon ako sa nakahaing ulam sa mesa pagdating ng bahay at matapos ay pansamantalang nag-siyesta. Nagising na lamang ako dahil sa malakas na tugtog ni ama't gawa na di na inaantok pa'y bumangon na ako. Sa kadahilanang may Fellowship pa kami, pagsapit ng ikatlo'y nagbihis muli ako't nagtungo sa bahay nila Cathy. Bukod sa aming dalawa'y may kasama pa kaming isang babae subalit di nakipagkilala sa sarap ng kwentuhan nila.

4e-f. Wala si Kuya Ian kaya si Ate Gemma ang naging guro namin sa Fellowship bible study. Nagkaroon kami ng palaro matapos ang bible study at iyon ay ilalagay ang lobong may lamang tubig sa tiyan nila Kuya Harold at Kuya John Paul sa bawat grupong makakasagot. Ang masaya't enjoyable na paglalaro, nauwi sa batuhan ng lobo't basaan, buti na lamang at may baon akong payong kaya di ako nagmukhang basang sisiw. Maya-maya’y gatimbang tubig na ang napagtripang isaboy at lumamig ang School Ground dahil sa basaan. Matapos ang katuwaan sa pagsasabuyan ng tubig, laking pagsisi ko ng hindi nakapagdala ng extra T-shirt at nagpatuyo muna bago umalis, ngayon lamang ako nakaranas ng ganong kasayang tila nag-uumapaw na ito mula sa kanila bilang Born-again.

4e-g.   Sa halip na umuwi'y diretso computer ako at sa sarap makipag-chat sa friends on social media, di namalayang kumagat na ang dilim. Nagtungo pa ako kila Tita Jean matapos magkumpyuter at kaharutan ni Habagat ang sumalubong sa aking pagdating. Sarap ng buhay ng Tita Jean na walang ibang inatupag kundi ang maglaro sa laptop at wala siyang inaalala. Biglang sumakit ang likuran ng Tita Jean at nagpamasahe pa ito sa akin kaya napatagal pa sa kanila subalit ayos lang basta't may silbi ako. Mga ikawalo na ng magpaalam na sa kanila't diretso nuod ng telebisyon pagdating ng bahay. Kahit lumagom na ang kadilima'y di pa rin kupas ang alinsangan, buti na lamang at bahagyang umulan kung kaya bahagyang lumamig ang gabi.


May 19, 2014
Monday

Year II-139

4e-h.   May kasiglahan sa aking dibdib ang nadarama sa aking paggising kaya ang umagang kay aliwalas ay lalo pang gumanda. Iba nga ang mararamdaman mo kapag nakakarinig ng salita ng Diyos at patuloy mo siyang pinapapasok sa iyong puso. Dala ng kasiglahan sa dibdib kaya nagampanan ko ng husto't maayos ang gawaing bahay at di man lang ako nakaramdam ng pagkahapo matapos malinisan ang buong bahay. Wala muli akong maisipang gawin at labis akong nababato kaya nilibang ko ang sarili sa paglalaro ng Tablet. Nang ma-dead-batt ang mumurahin pero swak na Tablet ay pagbabasa naman ng World atlas ang sunod kong inatupag. Maya-maya pa'y tanghalian na, kanina pa kumakalam ang sikmura kaya halos makasampong plato ako sa tindi ng gutom at hinayaan munang matunawan bago mag-Siyesta.

4e-i.   Halos malunod na sariling pawis sa tindi ng init na nadarama kung kaya di na ko patumpik tumpik pang naligo. Wish ko lang, sindami ng ulan ng Bagyong Ondoy ang ibabagsak mamaya. Sa tindi ng init sa labas, di na kami makalabas labas at matutupok ang sinumang manatili sa labas. Pakiwaring nasa impyerno ka sa tindi ng init at marahil ay lagpas na sa 40 degrees centigrade ang temperatura kung kaya ganito na lamang ang init, kasing init kung nabubuhay lang sa Africa. Bahagyang kumidlat at kumulog pagsapit ng gabi at umaasang uulan na nga ng malakas subalit di natuloy at humangin lamang. Bago matulog ay nagbasa muna ako ng Bibliya. Sa bawat bersong aking nababasa, kahit anong lalim ng mga salita'y nauunawaan ko pa rin at naitatanim sa isipan. Gawa napakaalinsangan ng panahon, malapit ng maghating-gabi ng ako'y makatulog.


May 20, 2014
Tuesday

Year II-140

4e-j.   Sa kasarapan ng aking pagtulog na halos di na maawat ngayong bakasyon grande'y malapit ng mag-ikawalo ng ako'y bumangon at diretso linis-bahay. Mahigit sa isang linggo na lamang ang nalalabi't pasukan nanaman kung kaya kaliwa't kanan na marahil ang nagsasagawa ng Brigada Eskwela. Buti na lamang, nakaraos ako sa pagiging High school kung kaya sa kalagitnaan pa ng Hunyo magsisimula ang klase kaming mga kolehiyo, iyon nga la'y sagad hanggang kaibuturan ng bato ang hirap at pagod na mararanasan ng buhay estudyante kapag tumungtong na sa kolehiyo. Parang nagbi-Brigada Eskwela na rin ako habang nagwawalis at nagpupunas. Matapos ang gawaing bahay, ako'y nagkumpyuter. Habang abala ako sa pagsasaayos ng Data ang sakit sa teyngang paghalakhak ng paslit at halos ikawasak na ng Eardrum  ko ang kanyang paghagikhik na mukhang tinakasan ng bait.

4e-k.   Muntikang pagbuhatan ng kamay subalit napigilan ko ang aking sarili. wala akong ibang nagawa kundi pabayaan siya't pasasaan pa't mapapagod rin siya. Nang ito'y aking isi-save ay bigla na lamang nagkaroon ng aberya. Dali-dali akong nagtungo sa bahay upang kuhain ang memory card at parang nabunutan ako ng tinik ng matagumpay itong mai-save. Napagod ako sa aking ginawa't kaagad nananghalian pagkauwi. Hindi naging kagandahan ang init, that is why it is the perpect time to relax and rest in a long time. Gawa na di pa inaantok at walang maisipang gawin, ayaw ko man maging gastador sa paggamit ng kuryente'y napilitan ako't panonood ng telebisyon ang aking napagkaabalahan.

4e-l.   Pagkabukas pa lamang ay karimarimarim na balita agad ang sumambulat sa aking paningin pagkat sa kamalasang pangyayari'y maraming nasawi sa biglaang pagguho ng ginagawang gusali. Sadyang napakahina ng pundasyon at konting uga lamang ay giba agad. Sa kabila ng malungkot dahil sa pangyayaring gumulantang sa sambayanang Pilipino ay naging masaya pa rin ang araw ko dahil sa Baliwan Cinema. Sa kakahalakhak ng walang humpay ay saka pa lamang inantok at sa antok kaya di ko natapos panoorin ang Baliwan Cinema't nag-Siyesta. Lumubog na ang Haring araw na siyang nagbibigay init sa buhay subalit dama pa rin ang init kung kaya naupo muna ako sa labas at nagpahangin. Saktong kumikidlat at may kalat kalat na pagkulog, umaasang uulan na subalit hindi muli natuloy at humangin lamang. Kaabang-abang ang eksena sa Dyesebel kaya kahit nanganganib mapuruhan ang telebisyon dahil sa pagkidlat ay binuksan ko pa rin.

4e-m.   Ang inakalang magbabago ang tingin ni Fredo kay Dyesebel ng makita niyang sirena ito'y nagkakamali pagkat nagawa pa rin niyang alagaan at tulungan si Dyesebel sa kabila ng kanyang natuklasan at iyon ang aking ipinagtataka sa takbo ng palabas. Usually kapag nalaman ng tauhan ang tunay na pagkatao ng bida, kusa itong lumalayo at parang walang pinagsamahan kung itakwil kahit anung paliwanag pero ibang-ibang ang napanood ko sa Dyesebel kaya naman nagugustuhan kong panoorin at isa ang teleseryeng ito na tumatak sa isipan ko, kakapanabik at kamangha-manghang panoorin. Sa The Legal Wife naman, nangingibabaw sa ngitngit ng mag-undayan ng sampal sila Monica at Nicole at palitan sila ng maanghang na salita at isa rin ang palabas na ito sa kakamanghang panoorin pagkat parang sa totoong buhay lang ang kanilang acting at ang lakas ng tama nito sa manonood kaya trending topic all the day. “Wala sa'yo Nicole, akin lang ang asawa ko!” linyang patok na patok gayahin ng masang Pilipino.


May 21, 2014
Wednesday

Year II-141

4e-n.   Medyo nakakaranas pa ng pagkaantok at sa sarap humilata ng tagal sa kamang kay lambot, pumatak na ang ikawalo ng magising ako. Kaagad akong nag-almusal sa aking pagmulat at gawa na umatake muli ang aking pagkabato, hindi sapat sa pangtanggal bagot kapag may pinagkakaabalahan lang ako kung kaya naisipan kong aliwin ang sarili sa saliw ng musika. Habang nakikinig ay di ko mapigilang sumayaw at ang pagsayaw ko ang nagsilbi kong ehersiso. Subalit ang aliw at sayang namumutawi sa dibdib ay natigil ng pahinaan ito ni Ama. Sa halip na lakasa'y pinatay ko na bilang respeto sa kanilang pag-uusap na seryosong seryoso. Hindi ko talagang maiwasang sumama ang loob subalit di ko ito naipakita sa takot na magkagulo't ako ang lumabas na masama. Upang maalis ang nanalaytay na pagkabagot ay nilibang ko ang sarili sa paglalaro ng computer.

4e-o.   Sa oras na natatalo'y lalo pa akong nabubwisit at idagdag pa sa pagkabuwisit ang init ng panahon subalit nakadama pa rin ako ng enjoyment sa sarili. Sa sobrang abala sa paglalaro'y di ko namalayang tanghaling tapat na't oras na upang mananghalian. Tinolang Manok ang aming tanghalian kaya mabilis pa sa Alas-kwatro ang pagtungo ko sa mesa. Habang ninanamnam ang pagnguya ang biglaang pagsakit ng ngipin ko. Dati kapag sumakit ang ngipin ko, nakakaya ko pa subalit iba ang sakit at halos ikabaliw ko na sa sobrang sakit. Sa sakit, nawalan na ako ng gana sa masarap na pagkain at ako'y nahiga. Tumagal ng ilang oras bago tuluyang maibsan ang sakit.

4e-p.   Medyo nakakaramdam na rin ng antok kaya daglian akong nag-Siyesta subalit nasira na dapat sana'y masarap na pagtulog dahil sa kulog. Marahil ay babagsak na ang milagrong tubig mula sa langit at dala na may takot ako sa kulog at kidlat ay buong oras akong nakatakip ang teynga. Matatalim at ikamamatay mo kapag tinamaan ng kidlat at sinlakas naman ng Granada ang pagdagundong ng kulog. Ilang saglit pa'y bumuhos na ang ulan subalit hindi naman kalakasan. Habang kasagsagan ng ulan ang siyang pagdating ni Ina galing Manggahan at sabay banat sa dala niyang pasalubong. Sa pagtila ng ulan ay nagtungo ako sa computer shop upang ipagpatuloy ang pag-edit ng data through Microsoft Office Excel. Madilim-dilim na sa labas ng matapos ang renta ko sa computer at sa halip na diretso uwi'y nagtungo pa ko sa bahay nila Cathy.

4e-q.   Tamang kanta lang kami ng song hits at kahit di biniyayaan ng magandang tinig, di ako nahihiyang iparinig at natutuwa pa nga sila. Ayaw pa nga nila akong pauwiin subalit kailangan ko ng umuwi pagkat dis-oras na ng gabi. Mapupusok na salita mula sa bibig ni ina ang sumalubong sa aking pag-uwi't napakarami niyang sinasabi, upang di na lumaki ang aming sigalot ay di ko na siya sinagot. Bukod sa binubungangaan ng walang humpay ay puro siya sumbat, dahilan kung bakit di ko mapigilang sumigaw at magwala. Batid kong mali ang aking nagawa subalit dumidilim na ang aking paningin kung kaya naipamalas ko ang tinatagong lakas at pinagsisihan ko iyon. Tumahimik naman siya kinalaunan ng hindi ko na pinapansin. Pagbabasa ng World atlas ang inatupag ko matapos panoorin ang sinusubaybayang programa gabi-gabi.


May 22, 2014
Thursday

Year II-142

4e-r.   Malapit ng mag-ikawalo ng ako'y magising at anong sigla sa dibdib ang aking nadarama na tila walang anumang suliraning daratal subalit di pa rin pakampante't darating pa rin iyan hanggang humihinga tayo. Diretso kain ako ng nakahaing agahan pagkabangon. Naging maingat ako sa pagnguya sa takot na muling kumirot sa sakit ang ngipin kapag ito'y nagalaw. Anuman ang ingat ko sa pagnguya, wala pa rin at sumasakit muli ang aking ngipin. Sa sakit, halos ikabuwang ko na't maging ulo ko'y apektado. Naupo ako pansamantala't mangiyak ngiyak ako sa sakit, wala akong magawa ng oras na iyon kundi magtiis at kailangan ng ipabunot sa lalong madaling panahon. Dahil sa sakit ng ngipin, di tuloy ako nakapaglinis sa loob ng bahay. Uminom ako ng Mefenamic acid upang kumalma ang sakit subalit sa tindi'y di tumatalab. Bahagyang nabawasan ang sakit pagsapit ng tanghali at sa bawat nguya ng ulam ay may kabang gumuguhit sa dibdib, nangangambang aksidenteng magalaw ang ngipin at muling kumirot. Naging marahan ako sa pagnguya kung kaya di na muli pang sumakit ang ngipin.

4e-s.   Matapos kumain ay naisipan kong manood ng telebisyon bilang aliw. Masaya nanaman ang araw ko dahil sa Baliwan Cinema at kapag nanonood ka nun, lahat ng iyong problema'y tila naiibsan, sa lakas ng aking halakhak na abot hanggang Outer space ay iyon ang nagpawala sa sakit ng ngipin ko. Kahit nagbabanta ang ulan ay naisipan ko pa rin lumabas at nagkumpyuter. Sa ingay ng mga kasamahan kong kapwang adik na adik sa paglalaro ng DOTA ay naabala ako sa aking pinagkakaabalahan. Bukod sa nakakarindi ang ingay ay ang gugulo nila't ako ay nagagalaw tapos ang init at siksikan pa subalit nagtiyaga na lamang ako, matapos lamang ang aking ginagawa.

4e-t.   Sa takot na maabutan ng ulan ay dali-dali akong umuwi, iyon nga lang ay namaling akala ako't di bumuhos ang milagrong tubig. Hindi ko ibig kumain sa takot na muling masaktan kapag sumakit ang ngipin subalit pagkakasakit naman ang kapalit na maaring mauwi sa maladambuhalang gastos kaya kumain pa rin ako. Kakainis lang pagkat naramdaman ko muli ang pananakit ng ngipin at halos sumuko na ako sa sakit. Upang malimutan ang sakit ay nilibang ko ang sarili sa pakikinig ng musika. Sa sakit ng ngipin, hindi tuloy ako makatulog ng maayos. Mapalad kung tiyan ang nasakit, idudumi mo lang. Mapalad kung ulo ang nasakit, itutulog mo lang subalit walang solusyon sa ngiping nasakit kundi ang ipabunot.

May 23, 2014
Friday

Year II-143

4e-u.   Wala ng anumang sakit ang nadarama sa ngiping nabubulok sa pagdilat ng matang galing sa himbing at gawa na malapit ng magbukangliwayway, eksaktong ikawalo na ng umaga ako nagising at may pagmamadaling bumangon sapagkat may lakad muli kami ni Ina patungong Our Lady of Fatima University para sa Medical examination. Malapit ng mag-ikasiyam ng umalis kami ni Mama sa bahay. May hindi lang kami nagkikibuan ni ina dahil sa hidwaan namin nung isang araw subalit ina ko pa rin siya whatever she did, that is why I make a conversation with her. Kaagad kaming dumeretso sa Admission office upang magtanong subalit ipinabatid sa amin ng CEO na walang Medical examination ngayon. Sayang lang pagkat nagpunta lamang kami sa wala. Ayaw pa namin umalis at naglibot libot muna. Sa laki't tayog ng papasukang unibersidad, mukhang di ko malilibot ang buong OLFU ng apat na taon.

4e-v.   Maya-maya’y mag-isa akong nagtungo sa Guidance office upang alamin ang naging resulta sa scholarship exam, habang papalapit ang yapak sa Guidance ay namutawi muli ang kaba't iyon ang nagpahina sa loob ko subalit nilabanan ko iyon at lakas loob na kinausap ang Professor. Kahit hindi niya diretsahang sinabi ay malakas ang kutob kong hindi nakapasa at kung sakali may pagkakataon, better luck next time. In fairness, gwapo siya at maputi pa, kaso nakasalamin ito, sana'y maging professor ko siya sa pasukan.  Nagtungo pa kami ni Mama sa SM Fairview upang magpalamig at naglibot-libot. Habang palakad lakad ay ang biglang pagkirot ng ngipin ko subalit di gasinong kasakit kaya nakakaya ko pa. Bago kami umuwi ay dumaan muna kami ni ina sa Dental Clinic upang magpabunot.

4e-w.   Habang ako'y nakasalang ay pinapangunahan na ako ng takot, paano ang tatalim ng injection at nakakasindak sa paningin ang hubog ng mga Equipment. Sinabi rin ng dentista na uminom muna ako ng Antibiotic ng isang linggo bago ipabunot upang di na gasinong kasakit kapag bubunutin because the anesthesia will not work it if the tooth still active on ache. Sumunod na sumalang sa pagpapabunot si Mama na konting uga lang ay tanggal na ang ngipin. Laking pagsisi ko paglabas namin ng clinic pagkat di ko naipabunot ang ngipin at nagpanaig ako sa takot. Nauna na si Mama sa pag-uwi samantalang nagtungo pa ako sa computer shop. Sa antok at dala ng matinding pagod ay diretso tulog ako pag-uwi.

4e-x.   Hindi ko na hinintay pang masayang ang oras at kaagad bumangon pagdilat ng mata't aligaga sa pagbukas ng telebisyon upang abangan ang pagtatapos ng Meteor Garden Season 1. Sa una'y di excitement panoorin at parang walang kalatoy-latoy subalit biglang kinurot ang puso ko sa kilig sa huli. Maya-maya’y oras na upang kumain at naging marahan ako sa pagnguya, sa awa ng Diyos ay di naman sumakit subalit kung kailan matutulog ako'y doon umatake ang sakit. Nakadalawang lunok na ako ng Mefenamic acid subalit nanatili pa rin ang sakit at grabe, I cannot take this anymore at mas matindi pa ang mararanasan mo kapag sumakit ang ngipin kaysa maging Heartbroken.

May 24, 2014
Saturday

Year II-144

4e-y.   Five days to go before we celebrate my anniversary for birth, kahit akalain mong sadyang kay bagal gumalaw ang oras kapag tinitigan mo ang orasan pero kapag di mo namamalaya'y tila kay bilis at di ko akalaing madadagdagan muli ng isa ang edad ko't malapit na akong tumungtong sa hustong gulang. Sabi nga nila, minsan lang maging bata at habang ikaw ay tumatanda, lahat ng aspeto’y magbabago sayo. Ang kagabing ikamilipit ko sa sakit ay bahagyang naibsan sa aking paggising at sa takot na muling sumakit ng walang puknat ay hindi na ako nag-agahan kundi humigop lamang ng mainit na kape. Maya-maya’y paghuhugas ng plato ang aking inatupag at nagwalis walis pansamantala, di lamang upang matangal ang alikabok kundi ipakitang may silbi ako sa kabila na madalas ay napag-iinitan ng ulo ina.

4e-z.   Medyo tumatanda na rin si ina at kapag tumatanda'y madali ng uminit ang ulo. Sinusubukan ko naman siyang intindihin pero kapag di na kinakaya ng dibdib ang kanyang sinasabi, doon ako nagsisimulang mag-init at sagutin siya ng pabalang. Batid kong ang pagsagot sa magulang ay paglabag sa utos ng Diyos maliban kung nasa katwiran ka pero mali rin na pagsalitaan niya ako ng masasakit at kung pagalitan ako, parang iba ang turing niya sa akin. Batid kong siya ang dahilan kung bakit nabubuhay ako sa daigdig, nagpalaki't pinapakain ng maayos, she care only what my physical aspect needs but when it comes in emotional aspect, she does not mind what I feel at di iyon sapat sa akin upang mapatunayang mahal niya ako. Kahit mabuhay akong nagdidildil ng asin sa araw-araw at di niya maibigay ang pangangailangan ko, ayos na sa akin iyon basta iniintindi ako't hindi nasasaktan ang dibdib, basta huwag niyang ipagkait sa bagay na makapagpapasaya sa akin. 

4f-a.   Usually, something that give me happiness, oftentimes she is my obstacle and if I did not follow her, she got angry to me. Napa-English nanaman ako. Pansamantala akong naupo matapos maglinis ng bahay at nagbasa ng English Dictionary. Maya-maya’y oras na upang kumain, kailangan ko nanaman ng ibayong ingat sa pagnguya para di muli sumakit ang ngipin. Malapit ng sumapit ang panahon ng tag-ulan subalit matindi pa rin ang init sa labas, marahil ay nagbabanta na ang El Niño at wala ng tag-ulan. Kinahapunan, gawa na labis akong nababagot ay naisipan kong manood ng video. Sa kulit ng aksyon ng character ni Vhong Navarro sa Da Possessed, halos mamatay matay ako sa kakatawa't iba ang sayang nadarama mo kapag nanonood ka ng show ng komedyante.

4f-b.   Matapos manood ng video ay nagtungo ako sa bahay nina Ate Ging. Habang kami'y nag-uusap ay anong kulit ni Jaka at palaaway pa sa mga bata. Naubos na ang pasensiya ni Ate Ging kaya nagawa nitong paluin at pagalitan si Jaka't parang di ko na kilala si Ate Ging kung magalit. Lalo pang dumami ang kwentuhan namin ng magtingin tingin ng photo album. Sumunod ay kina Regine ako nagtungo, nakabukas ang ilaw at pintuan subalit walang tao ng datnan ko, umuwi na lang ako't muling nanood ng telebisyon. Nakakapukaw ng damdamin ang palabas sa MMK, ito ay kwento ng isang batang may dakilang kalooban subalit sa kasamaang palad ay dinapuan siya ng matinding karamdaman na kanyang ikinasawi, kung sino pa iyong malilinis ang puso, sila pa yung nawawala samantalang walang kamatayan ang malasatanas ang puso.


May 25, 2014
Sunday

Year II-145

4f-c.   Kasing bilis ng guhit ng kidlat at ihip ng hangin kung ikukumpara ang pag-andar ng panahon at biruin, apat na araw na lamang ang nalalabi't kaarawan ko na. Sumapit nanaman ang Linggo't araw ng pagsamba sa dakilang maylalang at dapat lang ilaan ang araw na ito para sa kanya. Sa sarap matulog na kasing sarap ng minatamis na Hamon ay eksakto ikawalo na ako dumilat. Sa aking paggising ay kaagad kong ginampanan ang gawaing bahay. Dahil dadalo pa ko sa aming pagsamba, diretso bihis na ako matapos ang gawaing bahay. Di pa nagsisimula ang Worship pagdating sa JOLIA Christian Church. Nakakapanibago lamang dahil wala sila Ate Ging, marahil ay darating mamaya subalit di pa rin sila dumarating kahit nagsimula na ang worship.

4f-d.   Ilang saglit pa'y dumating na si Cathy at siya lamang ang dumalo sa kanilang magpapamilya. Ilang beses na ko dumadalo sa kanilang sunday mass, di ko pa rin magawang tanggapin sa dibdib ang paraan ng kanilang pagsamba, marahil ay pusong Katoliko talaga ako at kahit dumadalo ako sa ibang relihiyon ay di nangangahulugang yayakapin ko na kung ano ang kaugalian nila, ang mahalaga'y matutuhan ko kung ano ang nasa bibliya. Matapos ang worship, Bible study na't si Pastora Anna pa rin ang nanguna. Habang nagsasalita patungkol sa salita ng Diyos ay naging emosyonal ang Pastora at kitang kita sa mukha ang kanyang debosyon. Biglang di ko na mahagilap si Cathy matapos ang bible study at sila Sister Minerva ang nakasabay ko sa pag-uwi.

4f-e.   Sa halip na dumeretso sa bahay ay kina Cathy kaagad ako nagtungo. Abala pala sila Ate Ging sa pagbibihis, dahilan kung bakit di sila nakadalo't tutungo sa Antipolo. Di na ako nagtagal pa pagkat papaalis na sila. Habang naglalakad pauwi'y naulinig kong may tumatawag sa akin, nalingat ako kung saan nanggaling ang tinig na iyon at may isang dalagitang tila pamilyar sa aking paningin at pinagmasdan ko siya ng maigi. Di ko akalain na si Ate Bing pala iyon at sa dalawang buwan na di namin pagkikita, malaki na ang pinagbago niya kaya di ko siya kaagad nakilala. Nagkamustahan kaming dalawa. Ang dating si Aira naman na napakaharot, kahit kibuin ay natimo pa rin, marahil ay nawala na ang pagkakakilanlan sa akin. May mga bagay pa kaming napag-usapan kaya tumagal pa ko sa kanila.

4f-f.   Dala na ako'y pagod, kaagad akong natulog pagdating sa bahay. Saktong bumubuhos ang pag-ulan ng ako'y gumising subalit daglian lamang iyon. Naupo saglit at nagmeryenda, lumipas ang ilang sandali, sumagi bigla sa isipan ang magkumpyuter at kaagad nga akong nagtungo. Sa kasarapang mag-online sa Facebook, di ko namalayang malapit ng gumabi. Dumaan pa ko kila Tita Jean at nakipag-usap. Kaarawan pala ni Itang kinabukasan kung kaya naging abala sila sa paghahanda. Di ko na nais pang makadisturbo kaya di na ko nagtagal pa. Gawa na kumakalam ang sikmura, diretso lamon ako pagkauwi. Lumalalim na ang gabi subalit ni antok ay di pa dinadalaw kaya naisipan kong manood ng telebisyon. Ngayong gabi ang ikatlong anibersaryo ng Gandang Gabi Vice at todo tutok ang mata ko sa panonood lalo na nung naging guest ni Vice Ganda si Coco Martin sa kauna-unahang pagkakataon, walang sinabi si Vice sa mga pabanat na salita ni Coco't talagang panay okrayan sila. Dahil sa show ng batikanang komedyante, may saya sa dibdib akong natulog. Grabe at idol na idol ko na siya


May 26, 2014
Monday
Year II-146

4f-g.   Tirik na ang haring araw sa labas ng ako'y dumilat at anung ginhawa sa dibdib ang namumutawi sa aking paggising, epekto ba sa tuwang naranasan ko kagabi. Hangga't tayo'y humihinga, matutong maging maligaya, may problema man o wala para palaging winner sa life. Ako, kahit payak lamang ang pamumuhay, di tulad ng iba na dumaranas ng napakarangyang buhay at lumalaki sa layaw, basta't naririyan ang lahat ng pangangailangan at nakakain ka naman ng maayos ay masaya pa rin ako. Sa saya't siglang nadarama sa dibdib, lalo pa akong ginanahan sa gawaing bahay at pinag-igihan ko pa lalo. Matapos ang gawaing bahay, pagbabasa naman ng pocket book ang inatupag ko hanggang sa magtanghali at sa kakabasa ng English pocket book, mukhang nahahasa ng husto ang utak ko't may bokabolaryong ngayon lamang natutuklasan ang aking natutuhan. Nasa huling linggo na ng Mayo subalit malaimpyerno pa rin ang nararanasang init pagsapit ng tanghali.

4f-h.   Sa init, naisipan kong kumain ng Halo-halo matapos mananghalian. Kahit gasino man ang taas ng temperature, ang antok na nararanasan ko sa tuwing hapon ay di pa rin mapipigilan. Balak ko sanang ituon ang maraming oras sa pagbabasa subalit dala ng antok, natulog na lamang ako. Animoy gabi ang kapaligiran sa aking paggising, marahil ay nagbabadya muli ang malakas na ulan. Maya-maya pa'y gumuhit na ang matatalim na kidlat na sinundan ng malabombang kulog hanggang sa nagsaboy na ang kalangitan ng malakas na ulan. Sa lakas ng buhos ng ulan, marami ang nagsiluguan na siyang aking ikinainggit sa muling pagkakataon. Ibig ko sanang maligo pero mas sinasaalang-alang ko ang kahihinatnab ng aking kalusugan.

4f-i.   Balak ko sanang dumalo sa engrandeng kaarawan ng pinsan ko ngunit malabagyong buhos ng ulan ang pumigil sa akin. Tumagal ang ulan hanggang sa magdapit hapon. Sa pagtila ng ulan kinagabihan, pumalit naman ang ingay ng mga kabataang tumatambay sa harapan ng aming bahay, ang lalakas pa man din magpatugtog kaya labis ang aking pagka-imbyerna, dahilan kung bakit di ko maulinig ang aking pinapanood. Bahagyang naging banayad ang kapaligiran sa pagsapit ng ikasampo na siyang aking ipinagpapasalamat. Dahil matagal akong dalawin ng antok, malapit ng maghating-gabi ng ako'y mahimlay sa kama di sa kabaong, di patay na ako nun.


May 27, 2014
Tuesday

Year II-147

4f-j.   Pareho pa rin ang oras ng aking paggising at pagkabangon ko'y diretso higop ng mainit na kape. Medyo tinamaan muli ako ng pagkabato't walang kakulay-kulay ang naging umaga ko kung kaya'y naisipan kong magpatugtog. Awiting pag-ibig ang pinatugtog ko't kahit ako'y loveless ngayon, bawat lirikong madidinig at nasasambit ay tila mahalagang kahulugan ang ibig iparating sa puso ko, nakaka-relate din ako. Kahit ako'y ipinanganak na dalawa ang pinanghahawakang kasarian, naranasan ko rin naman kung paano umibig, sa kapwa lalaki nga lang. Barako man ako sa panlabas na anyo pero bulaklakin naman ang aking puso. Nakadagdag pa ang tugtog kung bakit sinisipag ako sa gawaing bahay. Kahit masyado akong maraming ginawa, di man lang ako nahapo't gusto ko pang gamitin ang ipinagkaloob na lakas upang gawin ang napakahalagang bagay, wala naman akong maisip gawin at naupo na lamang.

4f-k.   Maya-maya pa'y bigla akong inutusan ni Ina na ipa-develop ang litrato ng kuya ko na isa sa requirements para sa Tax exemption. Medyo minalas lang ng bahagya pagkat di ako makapag-develop ng photo sa kalapit na shop kaya napalayo pa ko. Kaagad ko naman naipa-develop ang Photo ng kapatid ko't habang ako'y pauwi, ipinabatid sa akin ni Aaron na nandoon daw si Mama kina Auntie Andrea, kaagad akong nagtungo sa kanila. Nagpapalinis pala ng kuko si Ina kay Tita Jasmin. Matapos magpalinis, di na kami nagpaligoy ligoy pa sa pag-uwi. Diretso kain kami ng nakahaing ulam sa mesa pagdating sa bahay. Kinahapunan ng maisipan kong bumisita kila Cathy. Sa pagtungo ko sa kanila, kaharutan agad ni Jaka ang sumalubong sa akin at saktong naroroon din si Daniel sa kanila kaya walang patid kung makakantiyaw sa akin si Cathy, kala naman niya na may gusto ako kay Daniel.

4f-l.   Heto naman si Ate Ging, ipinapagawa sa akin ang bagay na mahirap gawin at iyon ay magpakalalaki. Kapag namuhay ka sa bagay na kinagisnan mo, iyon ka na't di na mababago. Nagkilos lalaki ako maging sa pananalita kahit ako'y nahihirapan na. Todo alalay naman sa akin si Daniel sa hinahakbang ko upang maging tunay na lalaki. Di ko batid kung anong pumasok sa isipan nila. Sa sayang manatili sa kanila, ginabi na ko sa pag-uwi. Ang kaingayan ng mga kalalakihang walang ginawa kundi tumambay ang sumagi sa pandinig ko, nuknukan sila sa kaingayan kaya ako'y nababanas muli. Di ko naman sila mapapaalis hangga't di pa sumasapit ang Alas-dyis kaya nagtiis na lamang ako. Pagkalabas ko upang bumili ng kape, di makataong pamimintas ang ibinato sa akin ng isa sa mga tambay at napakawalang modo niya kung makaasta.

4f-m.   Ayos lang sa akin kung gabi-gabi silang tumambay at mag-ingay sa harapan ng bahay namin pero ang bastusin ako ng harap harapan sabay pagtatawanan, di na tama iyon! Kanina pa ko banas sa kanila't nakadagdag pa sa galit ko ang di magandang inasal niya kaya nagpuyos ako sa galit. Dinaig ko pa ang pinakamabangis na hayop sa tindi ng pagwawala't mas maanghang pa sa siling Labuyo ang binitawan kong salita, sumusobra na sila't marahil ay nararapat lang ang ginawa ko. Di porket ganito, kaya na nila akong ganyan-ganyanin, nagkakamali sila dahil di nila ako kilala! Matagumpay ko naman silang napaalis ng ako'y ngitngit na sa galit at di na ko magdadalawang isip na dumulog sa Barangay kapag bumalik pa sila. Sa halip na ipangamba kung anong sasabihin ng kapitbahay tungkol sa akin ay tila gumaan ang aking kalooban at ganoon pala ang pakiramdam kapag nailabas mo ang galit. Sa pagkawala ng tambay ang pagtahimik ng kapaligiran at sarap pakinggan. Sana ganito palagi tuwing gabi, tahimik at makakapag-isip pa ng maayos.


May 28, 2014
Wednesday

Year II-148

4f-n.   Nanatili pa rin ang ginhawa sa dibdib sa tuwing ako'y magigising at sana'y magtuloy-tuloy ito. Wala muling pagkaing nakahain sa lamesa kaya mainit na kape muli ang aking agahan, di naman ako nagrereklamo kung madalas kape ang agahan, ang mahalaga'y malamnan ang sikmurang buong magdamag na walang laman. Matapos humigop ng kape, kaagad kong ginampanan ang pang-araw-araw na responsibilidad at iyon ay tagalinis ng bahay. Matapos ang gawaing bahay ay diretso tungo ako sa computer shop. Walang bakanteng PC para sa akin kaya umakyat pa ko't sa computer shop nila Giselle ako napadpad. Habang abala ako sa pagkukumpyuter ang paglapit sa akin ni Aling Baying at kami'y nag-usap.

4f-o.   Maya-maya’y bigla akong inudyok ni Aling Baying na dumalo sa kanilang pagsamba sa Iglesia ni Kristo. Noong una'y panay ang tanggi ko sa kanya subalit dahil sa pangungumbinsi niya, bumigay na ko. Kung sa Born-again Christian nga'y dumadalo ako, bakit di ko subukang dumalo sa Iglesia ni Kristo at di naman marahil masama iyon. Sa sarap naming mag-usap, di ko natapos pa ang ginagawa ko. Sa halip na dumeretso sa bahay, nagtungo pa ko kila Tita Jean. Naging makwento sa akin si Amihan subalit anung kibo't kausap kay Itang ay di ito umiimik at tila walang kausap, marahil ay nagtatampo dahil di ako nakadalo sa kanyang kaarawan. Tama nga ang hinala ko sa kanya't naghihimutok nga. Upang makabawi, inilibre ko na lang siya ng pagkain, tuwa naman siya sa panlilibre ko't wala ng tampo sa dibdib.

4f-p.   Ala-una na ng ako'y umuwi't kaagad akong nananghalian. Matapos lumamon at upang makapaghinga naman ang katawan, kaagad akong natulog. Pagkagising, naisipan kong magtungo kina Regine. Saktong nandoon si Gelyn na kahit hapon na'y abala sa pagkusot ng damit. English speaking siya habang kinakausap ko't kahit batid kong duduguin ang ilong, kinausap ko rin siya sa wikang Ingles at mukhang siya pa ang na-nosebleed. Maya-maya pa'y bumaba kami ni Gelyn sa Sapa't nagbanlaw. Bukod kay Gelyn ay naroroon rin si Annie maging ang mga nakakatanda nilang kapatid. Si Regine at Shiela nama'y abala sa pag-aasikaso sa kanya-kanyang anak kaya wala ng oras upang magkwentuhan kami.

4f-q.   Habang katabi ko si Tantan sa panonood ng kanilang telebisyon ang panay kantiyaw sa akin ni Annie, kala naman niya'y natitipuhan ko si Tantan, upang matigil ang pangangantiyaw ay umiwas na ko. Nagpaalam na ako sa kanila ng sumapit ang dilim at sa bahay nila Cathy ako sunod nagtungo. Nadatnan kong umaawit sila Cathy at Ate Ging ng christian song sa pagbisita ko sa kanila't kahit di pinagpala ang boses ay nakisali na rin sa pag-awit. Ang kaninang kami'y kumakanta, nauwi sa sigawan at tawanan. Ang ingay tuloy namin at marahil ay nabubulahaw na ang kalapit bahay. Ilang saglit pa'y dumating na si Kuya Wilson kasama si Daniel.

4f-r.   Ang napipintong malakas na kantiyaw ni Cathy, nagkakatotoo nga't may balak pa siyang paglapitin ang loob namin, ako na lang itong panay ang tanggi samantalang pailing iling si Daniel. Daming naiisip na kalokohan ng Cathy lalo na ng may kausap siya sa telepono kaya labis ang aming hagalpakan. Ibig ko pa sanang magtagal sa kanila pagkat iba ang saya subalit malapit ng mag-ikasiyam at di ko ibig na ipagdiwang ang kaarawan na nasa piitin, kaya nagpasyang umuwi na. Diretso nuod ako ng telebisyon pagdating sa bahay, himala't walang mga kabataang tumatambay sa harapan namin, marahil ay natakot na sa mga tinuran ko kagabi't tahimik ang kapaligiran namin kapag wala ang presensiya nila. Matapos manood ng paboritong programa'y natulog na ako.


May 29, 2014
Thursday

Year II-149

4f-s.   Masaya ako di lamang sa kaarawan ko ngayon kundi binigyan pa ko ng dakilang maykapal ng pagkakataon upang mabuhay sa Mundong ibabaw. Nagpapasalamat ako sapagkat sa loob ng labing pitong taon na napagdaanan ko na may pagsubok at ginhawang dumating sa buhay, heto pa rin ako't nanatiling matatag at patatagin pa lalo sana ng maykapal ang kalooban ko upang kaharapin mga darating pang hamon sa buhay. Happy 18th birthday to me! Pagkabangon pa lamang, pagbati kaagad ni ina ang sumalubong sa akin na siya pa lalong nagpaganda sa aking kaarawan. Kahit simple lamang ang handaan o wala, sapat na sa akin ang maalala ng mga taong malalapit sa akin ang kaarawan ko. Sa kadahilanang kailangan ko pang magpa-medical examination, isa sa requirements na kinukuha ng eskwelahang aking papasukan, mga bandang ikasiyam ng umalis pero bago umalis ay nag-Selfiemuna kami ni ina.

4f-t.   Pagdating sa Our Lady of Fatima University doon sa clinic, ipinabatid sa akin OIC na sa June 5 pa ang medical examination para sa BS Psychology, anu ba ito't sayang lamang ang ipinunta ko. Sa halip na dumeretso sa bahay, dahil special ang araw na ito sa akin, naisipan ko pang magtungo sa SM Fairview. Kahit mag-isa lamang, wala akong ginawa kundi mamasyal at ng mapagod, kumain muna sa Food court. Mga bandang Alas-onse ng lisanin ko ang SM Fairview pagkat sa SM North EDSA naman ang sunod ako pupunta. Dakong Alas-dos na ng marating ko ang SM North EDSA, pagdating doon ay sinlamig ng Baguio ang sumalubong sa akin at di hamak na mas malamig kung ikukumpara sa SM Fairview. Di ko alam kung paano gagastahin ang perang iniregalo sa akin ni ina.

4f-u.   Naupo ako't nag-isip-isip.Nagdadalawang isip ako kung ipambibili ba ng ibig kong bilhin ang pera o ipangnonood ng sine. Naisip kong baka kapusin sa pamasahe kapag nanood ng sine kaya ipinambili ko na lamang ang pera. Kadalasang Mapa ang nabibili ko kapag may hawak akong pera subalit sa unang pagkakataon, diksyunaryo ang naisipan kong bilhin ng sa gayo'y marami pang bokabularyo akong matutuhan at maging fluent pa sa pagsasalita ng English. Pagkabili, di nagtagal pa at karakarakang umalis. Saktong napakadilim ng kalangitan paglabas ko't kailangan kong makauwi agad at baka maabutan ng ulan. Pagkasakay sa tricycle ng bumuhos na nga ang malakas na ulan at sinabayan pa ng hangin kaya animoy bumabagyo na ang sitwasyon.

4f-v.   Dahil sa pag-anggi, umuwi akong basang basa't sa mga nagdaang kaarawan ko'y first time lamang ito naranasan, ang mabasa sa malakas na buhos na ulan sa mismo pang kaarawan ko't di ko ito malilimutan. Kalderetang manok ang nagparaos sa kumakalam na sikmura. Medyo antok na ko subalit hinayaan ko munang magpatuyo bago matulog. Dahil may pinag-usapan kami ni Aling Baying na dumalo sa kanilang relihiyon, kinagabihan at matapos kumain ay nagbihis ako. Kasapi rin sina Gangang sa Iglesia ni Cristo at tamang tama pagkat may makakasama ako sa pagparoon. Nagtungo ako sa kanila't nadatnang nagbibihis pa lamang. Maya-maya’y nagtungo na kami sa simbahan.

4f-w.   Ibang-iba ang Iglesia ni Kristo sa mga relihiyong nadaluhan ko na kapag may misa, ang gagara ng kanilang mga kasuotan at kailangang may sinusunod na alituntunin maging sa kasuotan, bawal sa kanila ang nakasibilyan at kailangan may kwelyo't nakasapatos ng itim sa lalaki't sandalyas naman sa babae. Pakiramdam ko, mahigpit ang patakaran sa relihiyong iyon at di rin pupwedeng mahuli sa oras na magsimula ang misa. Nasa simbahan na nga kami subalit di pa kami nagkikita ni Aling Baying, di ko batid kung nakadalo ba siya. Ilang saglit pa'y nagsimula na ang misa't maging sa pagdarasal ay ibang-iba pagkat nasa tono na kala'y sinasaniban. Natapos na ang misa't nagsilabasan na ang halos lahat ng kaanib subalit di pa rin kami nagkikita ni Aling Baying, sa halip na hintayin pa siya'y umuwi na kami ni Gangang. Sa takot na baka pagalitan ni Ina kapag nalaman niyang nagsimba ako sa ibang relihiyon, di ko man ibig gawin ay kinailangan ko pang magsinungaling. Masakit sakit na rin ang paa ko't sa halip na manood, natulog na lamang ako. Nawa’y palaging naririyan ang Diyos upang patnubayan niya ko sa lahat ng aking pinagdaraanan at patawarin nawa ako sa nagwa kong pagsisinungaling.


May 30, 2014
Friday
Year II-150

4f-x.   Sa halip na ginhawa'y kaba na sa dibdib ang nadarama ko't nakokonsensiya ako sa nagawang pagsisinungaling kagabi. Kahit abot langit ang kaba sa dibdib, di ko na kaya pang dagain ng konsensiya kapag itinago ko pa kaya pagkabangon at kita kay ina, lakas loob kong inamin na nagsimba ako sa Iglesia ni Kristo. Nagkatotoo nga ang kutob ko't nag-uumapaw sa galit si ina sa pag-amin ko. Maging ang Papa't Ate'y di rin ikinatuwa ang pagsimba ko sa Iglesia ni Kristo at parehas sa kung anong naging reaksyon ni ina ang reaksyon nila. Todo paliwanag ako subalit di nila ako pinapakinggan at tila ako pa ang lumalabas na masama. Di ko nais pang lumala ang hidwaan namin dahil diyan sa pagdalo ko kaya nagpasya muna akong umalis ng bahay. Kahit anong paliwanag ko't pagpapaintindi, minamasama pa rin nila. Siguro nga, kailangan ko ng itigil ang pagdalo sa ibang relihiyon pagkat kapalit naman nito'y ang di pagkakaayos ng pamilya ko.

4f-y.   Sa computer shop nina Giselle ko naisipang magtungo't ipinagpaalam ko kay Aling Baying na di na ako makakadalo pa sa susunod na pagsamba. Naintindihan naman niya kung ano ang naging pasya ko't sayang, di kami nagkita kagabi. Dahil mainit pa ang sitwasyon sa bahay, nanatili muna ako sa kanila. Mga Alas-dose ng ako'y magpasyang umuwi. Pagdating sa bahay ay may Spaghetti na nakahain sa mesa't iyon ang naging tanghalian ko. Saktong himbing sa pagtulog si ina at walang ni isang mapupusok na salita ang sumalubong sa aking pag-uwi. Ng makakain at dala na ako'y inaantok, kaagad akong nahimlay sa kama.

4f-z.   Pagkagising, naisipan ko muling magtungo kina Cathy at bakas sa mukha nila ang pagkakilig habang pinapanood ang Meteor Garden Season 2. Dinaig pa ang lebel ng kabataan kung kiligin si Ate Ging at inanyayahan niya ko na sumama sa bonding nila bukas. Minsan lamang ito mangyari't sinunggaban ko na ang pagkakataon. Maya-maya, sa di napaghandaang pangyayari'y biglang bumuhos ang malakas na ulan na siyang naging dahilan kung bakit na-stranded ako sa kanila. Sa lakas ng ulan na sinamahan pa ng pagkulog at kidlat, takot ang umiral sa aming dibdib pagkat mataas na ang agos sa sapa't kung magkataong di paaawat ang pag-ulan, malamang ay malubog na ang bahay. Pasalamat kami't di naman natuloy ang pinangangambahang mangyari. Sa pagtila ng ulan, kaagad na akong nagpaalam sa kanila. Saktong malapit ng gumabi't oras na upang kumain kaya diretso kain ako.

4g-a.   Habang kumakain ay biglang nag-isprey ang Ate ng pabango't pinagsabihan ko siya na huwag mag-isprey sa kumakain, sa halip na masabihan ay nakapagsalita pa siya sa akin ng di maganda pero di ko na pinatulan pa. Parang may iba sa inaasal niya ngayon at di pangkaraniwan, iniisip kong marahil ay dala lang na may dalaw ito at kahit sumama ang loob ay buong tiyaga ko siyang inunawa subalit ng mag-usap kami ni Mama't panay bitaw siya ng mura, doon na ako nag-init at sinagot sagot siya. Di porket na mas matanda siya sa akin ay may karapatan na siyang mura-murahin ako at parang di ko na siya kapatid. Ang mainit naming palitan ng maanghang na salita, nauwi sa pisikalan at sigawan. Parang dinaig pa namin ang nagsasabong na manok kung kami'y mag-away.

4g-b. Si Mama naman, sa halip na wala siyang kinampihan ay mas kinampihan pa niya ang Ate. Labis kong ikinadurog ang ginawa ni ina't pakiramdam ko'y di pantay ang pagtrato niya. Umalis na ang ate subalit patuloy ang sagutan namin ni ina, kung makapagsalita siya'y ni katiting na pagmamahal ay di na niya maibibigay pa sa akin at tila tinatakwil na niya ko. Animoy ibang tao ako sa kanya. Sa tindi ng sakit at sama ng loob ko sa kanya, mali man gawin ay nag-alsabalutan na ko mga bandang ikasampo ng gabi. Sa bahay nina Giselle ko naisipang magtungo't sa bait nila, walang anu-ano akong pinatuloy. Lahat ng saloobin ko kila ina, sa nanay ni Giselle ko ibinuhos at todo pagpapangaral ang ginawa sa akin ng nanay ni Giselle. Kahit paano'y natatauhan na ko subalit di ko pa ibig ang bumalik sa bahay at papagalingin ko muna ang sugat na kanilang nilikha.


May 31, 2014
Saturday

Year II-151

4g-c. Sa dinami-rami ng ipinayo sa akin ng nanay ni Giselle, di namalayang sumapit na ang Ala-una ng madaling araw. Pinakain pa nila ako't maya-maya'y natulog na kami. Kahit komportable at malambot ang kanilang higaan, di pa rin ako makatulog gawa na ako'y naninibago. Ngayong nakaalis na sa puder ng pamilya, ano naman kayang kapalaran ang naghihintay sa akin. Malapit ng mag-ikanim ng umaga ng ako'y magising subalit tulog pa sina Giselle. Maya-maya pa'y nagsibangon na sila. Medyo nahihiya man akong mag-almusal pagkat nanunuluyan lamang ako sa di sariling bahay, kinailangan kong kumain ng sa gano'y lumakas ako. Ang nanay naman ni Giselle, patuloy pa rin akong pinapayuhan at kahit masama pa rin ang kalooban ko kay Mama't ate, naliliwanagan na ako't marahil ay unawain ko na lang sila. Pasalamat ako't napunta ako sa taong may mabubuting kamay at taus-pusong akong pinatuloy kahit di ko sila kaano-ano.

4g-d. Buti pa ang pamilya ni Giselle, bukod sa marangya ang pamumuhay nila, masaya't madalas ay magkakasundo sila at kung magkaroon man ng away, di hahantong sa kung anong nangyari sa amin. Habang iniimpake ko ang mga damit ay tiningnan ko ang telepono, nagbabakasakaling nag-text si ina. Pagkatingin, nag-text nga si ina't mangiyak-ngiyak ako ng basahin iyon. Kahit na tagus-tagusan sa dibdib ang pananalita ni ina kagabi't nagkaroon kami ng malalang hidwaan, di ko sukat akalaing siya ang unang hihingi ng tawad. Tumawag ako't humingi ng tawad sa lahat ng naging pagkakasala ko sa kanya. Ang bigat na may halong pighati sa kalooban, napalitan ng ginhawa't animoy ang gaan sa pakiramdam. Matapos mag-impake, nagpaalam na ako't ipinagpasalamat ko ang pagpapatuloy nila sa akin at pagpapayo.

4g-e. Pagdating sa bahay, muli akong humingi ng tawad kay ina't batid kong may pagkukulang rin ako bilang anak na siyang sanhi ng pag-aalburoto ni ina, nagkapatawaran naman kaming dalawa't ipinangako sa akin ni ina na kailanma'y di na niya magagawang saktan ang kalooban ko, sana nga. Umaasa akong mangyayari iyon at huwag sanang mabali. Ipinangako ko rin sa kanya na kailanman kapag ako'y kanyang sinesermunan ay di na sasagot pa. Matapos naming magkaayos ni ina, kaagad akong nagtungo kina Cathy upang alamin kung tuloy ba ang bonding. Pagkarating, ipinabatid sa akin ni Ate Ging na sa susunod na linggo na lamang at inirerespeto ko kung anuman ang desisyon nila. Pagkauwi'y kaagad na akong nananghalian. Maayos na kami ni Ina subalit di ko batid kung may pag-asang magkaayos rin kami ni Ate. Sa sakit at hapdi ng sugat na nilikha niya sa kalooban, walang lakas ng loob na makipag-ayos sa kanya, marahil ay karaniwan na sa aming magkapatid ang mag-away at pinapalipas na lamang ang panahon upang magkaayos, kumbaga'y away-bati kami. Kahit sabihing okey na kami ni ina, di ko pa rin maiwasang isipin ang nangyari kagabi't nasasaktan ako kapag tumatatak iyon. Idinaan ko na lamang sa paghikbi ang nakaraang patuloy na sa aking bumabagabag upang makalimot. Lilipas rin itong nararanasan ko.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento