February 01, 2019
Friday
Year VII-032
Nalagas nanaman ang isang pahina ng
Kalendaryo pagkat dumako na sa ikalawang buwan ng Taon, kay bilis talaga ng
panahon at sa bilis nito, hindi namamalayang tumatanda ka na pala. Masarap pa
sana ang tulog ko subalit nagising na kinamadaling araw dulot na sinisipon at
binabahing pa. Sa sama ng pakiramdam ko, pakiwaring magkakasakit muli subalit
hindi naman natuloy at bahagya naman umigi ang pakiramdam at lumuwag pa nga ang
paghinga pagpatak ng umaga. Dahil sinisipon ng lagay dala na malamig ang
panahon at maalikabok pa, pinagbawalan ako ni Papa na maglinis ng bahay. Walang
nanaman magawa kaya inilaan ko na lamang ang oras sa pagbabasa ng Bibliya at
pagsusulat ng kwento. Maya-maya pa’y naisipan kong magpunas-punas sa loob ng
bahay at habang abalang-abala sa pagpupunas ay inggit ang namayani sa dibdib
nang makita ang ate na binibigyan si Mama ng pera mula marahil sa paunang sahod
ito. Hindi ko maipaliwanag kung bakit nakakaramdam ng inggit at buti pa siya,
may kakayahang makapagsustento kina Mama samantalang ako na hanggang ngayon ay
umaasa pa rin sa kanilang biyaya sa kabila na nakapagtapos. Hindi bale at
darating ang panahon, kung anuman ang tinatamasa ngayon ni Ate, makakamtan ko
rin at mas higit pa roon, manalig lamang sa Maykapal. Ganito man ako ngayon na walang-wala,
hindi nangangahulugang habang buhay na ganoon at isinusumpang magiging asensado
balang araw at malayo ang mararating. Nang makapalignis sa loob ng bahay at
para hindi tamaan ng pagkabagot, heto muli ako na ibababad ang mata sa panonood
ng mga drama sa Telebisyon. Hindi maiwasang dumaloy ang luha sa mga mata habang
tinutunghayan ang eksena sa The Greatest Love pagkat ang ina na
nagpakadakila sa kanyang mga anak at buong pusong ibinuhos ang pagmamahal,
pumanaw na. Kahit batid kong palabas lamang iyon, dama talaga ang sakit at
kapighatian kapag nawala ang mahal sa buhay lalo na ang nanay mo na walang
ginawa kundi ipakita pa rin ang pagmamahal at sakripisyo, sa kabila na minsan
ay suwail kang anak at nagagawa pang magpakita ng hinanakit sa kanya, kahit na
paulit-ulit mo siyang nasasaktan, nandiyan pa rin siya na handa kang damayan at
magiging sandalan pa nga sa tuwing nahaharap ka sa problema. Mga tao talagang
hindi matatawaran ang pagmamahal gaya ng ating mga magulang kaya ganon na
lamang kasakit at bigat sa kalooban kapag iniwan na nila tayo. Kinahapunan,
tamang lamyerda muli ako't sa bahay muli nina Regine naisipang dumayo.
Sumagupa kaagad ang tuwa pagkatungtong ko pa lamang sa kanila pagkat naroroon
si Annie, walang humpay muli ang kwentuhan at kulitan naming magkaibigan
na tipong habang tumatagal ay palalim na nang palalim. Pagpatak ng Alas-sais at
dahil magsasaing pa, nagpaalam muna sa kanila. Nang makapaghapunan at gawa na
nasasabik, bumalik ako kina Annie at tuloy ang kwentuhan. Ang kaninang
masayang kwentuhan, nauwi sa pagkalumbay nang mapadako ang usapan patungkol sa
kapatid nito na kakapanganak pa lamang, tapos agad na kinuha ang kanyang anak.
Kay saklap nga lamang na saglit mo lang nakapiling ang anghel na ipinagkaloob
sa'yo at kahit wala ako sa kalagayan ng kapatid ni Annie, dama pa rin
ang sakit ng kalooban at nakaka-depress subalit kailangang magpakatatag at
panatilihin ang pag-asa sa puso't isipan. Dala na napasarap ang usapan, malapit
palang sumapit ang Alas-dyis nang mapagpasyahan kong umuwi.
February 02, 2019
Saturday
Year VII-033
Sabado
nanaman pala at kahit weekend, maaga pa ring nagising at nagbihis-bihis matapos
mag-almusal pagkat may interview muli ako sa isang company na ang pangalan ay Dyna
Chem na matatagpuan naman sa Caloocan. Walang ibang maramdaman kundi
kaba habang patungo roon subalit nilakasan ko pa rin ang loob at inigtingan ang
pananampalataya, umaasang papalarin na sa muling pagkakataon ko na sasabak sa
interview. Mga dakong Alas-nuebe nang makatungtong ako sa Caloocan,
hindi ko lamang maiwasan ang mainis pagkat ibinaba ba naman ako ng driver sa
may barangay hall sa halip sa mismong kumpanya at lagpas pa ito, kinailangan ko
pa tuloy na maglakad. Hindi ko na maiwasan ang mabahala at kabahan pagkat anong
oras na, hindi pa nakakarating at late na late na. Kahit malabo nang makahabol
ay nagpatuloy pa rin sa paglalakad at paghahanap kung saan banda ang kumpanyang
pupuntahan hanggang sa may isang bus ang nakaharang sa aking daraanan. Sinubukan
kong iwasan ang bus, ang kaso kapag iniiwasan ito'y masasagasaan naman ako ng
mga sasakyan pagkat sinakop na nito ang gilid ng kalsada na daraanan ko.
Pakiwaring may sign na ibinigay sa akin ang Diyos na tipong ipinapahiwatig na
huwag nang tumuloy, hindi lamang ako sigurado kung iyon nga ba. Kinukutuban
talaga ako na baka tama ang hinala kaya sumakay na ako pauwi. Pagkasakay ko,
may isang matandang lalaki ang sumakay at kakikitaang nahihirapan sa
paglalakad. Pinagmasdan ko ang matanda't talagang nag-aalangan itong magbayad.
Sa awa ko sa matanda, hindi na nag-atubili pang sagutin ang pamasahe nito.
Nag-uumapaw talaga ang pagkahabag ko sa matanda pagkat mag-isa lamang itong
bumibiyahe kaya pagkababa sa may Novaliches Bayan ay sinamahan ko pa ito
sa paglalakad. Pupuntahan daw niya ang anak sa San Bartolome sabi nito
at gawa na uugod-ugod itong maglakad at sa awa ko talaga, walang ano-anong
sinamahan ito patungo roon. Balak ko pa sana siyang samahan hanggang sa
makarating sa mismong bahay ng kanyang anak pagkat nag-aalala ako, kaso hindi
na ito nagpasama pa at sa hanggang SM Novaliches ko lamang siya
nasamahan. Diyos na ang bahala sa matanda't nawa'y palagi niya itong gabayan at
protektahan. Ang gaan sa loob kapag may kapwa kang natutulungan at pakiwaring
pagpapalain ka. Kahit hindi pa bumabalik ang kagandahang loob sa matanda,
nagpapasalamat na sa Maykapal pagkat sa kabila na may pag-uugali akong hindi
kaaya-aya gaya ng pagsagot sa magulang at mapagtanim ng galit sa kapwa, may
kakayahan pala akong magmalasakit nang husto sa mga taong nangangailangan ng
walang hinihinging kapalit at pinagkalooban ako ng ginintuang puso. Sana nga'y
magtuloy-tuloy itong aking gawain. Pumunta man ako sa wala, hindi naman
nadidismaya pagkat umaasang darating ang bagay na mas higit kaysa sa aking
inaasahan, manalig lamang at maging kalugod-lugod sa paningin ng Diyos.
Kinahapunan nang puntahan ako nina Sister Claire at Pastora Leah
para sa aming Worship. Iilan lamang kami ang nagsipagdalo subalit hindi na
mahalaga iyon pagkat may karagdagang kaalaman naman maiimbak sa isipan na
maaring makatulong sa buhay, ang salita ng Diyos. Matapos ang worship at bible
study at dahil wala pang balak umuwi, tumungo muna ako kina Regine.
Umalis na pala si Annie subalit naroroon naman si Gelyn na may
pinagkakaabalahan kaya hindi muna ito kinausap pa't kina Ate Bing ako
nakipagkwentuhan. Masaya talaga ako kapag may kapalitan ng kuro-kuro at
nailalabas kung ano ang nasa loob. Sa sayang manatili sa kanila, inabot na ko
ng gabi't panay aya ang barkada nina Kuya Jun sa akin na uminom ng alak.
Dahil pinalaki akong hindi palainom, naging pahirapan sa kanila ang makumbinsi
ako't hanggang lasap-lasap lamang at hindi makayang ubusin ang isang bote ng
alak subalit itong si Gelyn tila dinaig pa ang barako kung makalagok.
Maya-maya pa'y pumasok na kami ni Gelyn sa bahay at laughtrip kami
habang naglolokohan kasama sina Regine at Ate Sheryl. Sa
saya na sa kanilang bahay ko lamang muli nasumpungan, parang hindi ko na ibig
pang umuwi't gusto ay sa kanila na matulog. Lumalalim na ang gabi't dahil di ko
naman ugaling maging lakwatsera sa magdamag, napagpasyahan nang umuwi, labag
man sa kalooban. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil naging makabuluhan at
punong-puno ng saya ang araw na ito sa akin.
February 03, 2019
Sunday
Year VII-034
Muling
pumasaakin ang panibagong umaga at sa lamig ng panahon, tinatamad tuloy
bumangon. Pagkaalmusal at dahil Linggo nanaman at araw ng paglalaan ng oras sa
panginoon, daglian na kong nagbihis. Habang aligaga sa pagbibihis ang siya
namang pagdating ng aming mga kamag-anak galing Cagayan na sina Auntie Nelly
at Ate Madelyn. Naghumindig bigla
ang kagalakan sa dibdib nang ayaing sumama sa kanilang pag-uwi sa Cagayan pagkat simula pa lamang talaga
bata ako’y hindi pa ko nakakaapak sa probinsyang pinanggalingan ni Mama at
matagal ko nang pinapangarap iyon. Kahit magkahalong sabik at galak na ang
umiiral sa dibdib ay nag-aalangan pa rin kung sasama ba ako pagkat pamasahe
pa’t may balakin ako kinabukasan subalit nang sabihin nina Auntie Nelly na sila ang sasagot ng pamasahe ko, hindi na nakahinde
pa’t panahon na marahil upang makapunta roon at makilala ang iba pang mga
kamag-anak sa Cagayan kaya pumayag
na ko. Bago tumungo sa Church ay pinuntahan ko muna si Regine (Miano) upang ayain ito na magsimba. Saktong abala ito sa
ginagawa nang aking datnan kaya napanghinaan ng loob na ayain subalit sinubukan
ko pa rin. Mukhang malabo nang makakadalo ito kaya hindi na kinulit-kulit pa at
umalis na lamang ako. Habang may iba pang kaanib akong inaabangan sa Recrap ang biglang pagdating ni Sister Claire at sinamahan ito sa
pagbabahay-bahay at manghikayat ng mga kaanib. Saktong may naaya naman kami at magkasama
nang nagtungo sa kanilang bahay sambahan. Pagkatungtong ng Church ay
nagsisimula na ang bible study at sa halip na kanilang Pastor ang nagtuturo ay
ang asawa nito kaya lalo akong ginanahang makinig at di ko mawari kung bakit
nagiging kumportable ang pakiramdam kapag babae ang nangunguna sa aming bible
study. Patungkol sa paglago ang tinalakay sa amin na kung saan kailangan
Espiritwal ang unahin kaysa Pisikal sa pagpapalago’t dami talagang detalye ang
naikintal sa aking isipan. Tumagal ang bible study ng higit sa dalawang oras at
pagkatapos ay sama-sama kaming kumain ng Ostia
at uminom ng red juice bilang simbolo na tinatanggap namin ng buong loob ang
Panginoon. Sumunod na kaganapan ay tumungo ang ilan sa amin sa harapan kabilang
ako upang i-lay hands at habang sumasailalim sa ganung ritwal ay doon
naramdaman na parang gumagaan ang nasa loob at tila lilipad na nga na hanggang
ngayon ay hindi magawang unawain ng isip. Bago umuwi ang bawat isa sa amin ay
nagkaroon muna ng pagtitipon lahat ng sasalang sa Life Class kabilang ako at
inilahad ni Sister Mary Anne ang mga
gagawin oras na lumagay na kami sa ganung training. Hindi ko lubos malaman kung
paano napunta sa ganung sitwasyon na dati’y wala sa aking balak basta ang
masasabi lamang ay masaya ako sa aking ginagawa’t natutuwa ang Panginoon.
Bandang Alas-tres nang magsimula ang aming Life
Class at dahil nasa Pre-encounter pa lamang kami at wala pa sa School
Leader, pahapyaw lamang ang itinuro sa amin ni Sister Lorraine at ang sarap talaga kapag nakakakinig ka ng salita
ng Diyos at para bang pinalalakas nito ang loob mo. Masaya din ang Life Class dahil marami kang makikilala’t
bagong magiging kaibigan.
February 04, 2019
Monday
Year VII-035
Dala
ng pagkasabik sa dibdib pagkat ngayong araw na ang tulak namin patungong Cagayan na siyang matagal ko na
talagang pinapangarap, hindi naging masarap ang tulog ko subalit ayos lamang.
Nag-uumapaw ang kagalakan dahil hindi akalaing makakatungtong na ko sa Cagayan. Pagkabangon at almusal, dala
na hindi na magkandamayaw ang pagkasabik ay daglian na kong nag-impake ng mga
damit at lahat ng mga gamit kakailanganin sa isang linggo kong pananatili sa Cagayan. Walang ibang mabigkas ang nasa
isipan kundi “Sa wakas, makakatungtong na rin sa Cagayan at makikita na ang mga kamag-anak doon.” Bandang tanghali
at kasama sina Auntie Nelly at Ate Madelyn nang lisanin namin ang
tahanan. Pagkatungtong sa may terminal ng Florida
doon sa Sampaloc, Manila, kinailangan pa namin maghintay ng tatlong oras pagkat
mga Alas-tres pa ang biyahe patungong Santa
Teresita, kung saan ipinanganak at lumaki sina Mama. Matagal man, di naman
magawang mainip pagkat mas nangingibabaw talaga sa puso ang pagkasabik at
tamang usap-usap lamang kina Auntie
Nelly at kamustahan. Pagpatak ng Alas-tres ng hapon nang sa wakas ay umusad
ang bus at sa pagsisimula ng aming biyahe ay may isang babae ang umakyat at
nagbahagi ng salita ng Diyos. Sadyang mahal ako ng Diyos dahil napagtanto ko
habang nakikinig sa babae na kasama ko siya sa aming biyahe. Ang kagandahan sa Florida Bus na aming sinakyan ay hindi
ito gaya ng mga bus na walang Comfort Room at hindi mo na kailangan pang
mag-panic o kabahan oras na maabutan ka at pwede magbawas anumang oras na
naisin mo. Habang lulan ng bus ay walang ibang ginawa kundi lumingon sa daanang
aming binabagtas at pagkatungtong sa may Candaba
Bridge, animoy lumilipad kami at parang nasa ibabaw ng mga palayan at ilog
na aming binabagtas. Sa bilis ng biyahe, isang oras pa lamang ang nakakaraan ay
nakatungtong na kami sa Pampanga at
habang nasa terminal ay may isang lalaki naman ang umakyat. Nangaral din ito ng
word of God at sa puntong iyon ay napapaisip ako na nagpaparamdam nga sa akin
ang Panginoon at ipinakitang poprotektahan sa mahaba-haba naming biyahe kaya wala
nang dahilan para hindi mapanatag. Pagkatungtong naman sa SCTEX ay doon ko pa nasilayan ang iba’t ibang magagandang tanawin,
masisilayin din ang Bulkang Pinatubo
na tila sumusunod sa’yo. Pagkatungtong namin sa may Gerona, Tarlac ay bumaba muna kaming lahat na mga pasahero upang
maghapunan at malamnan ang Sikmura ng husay pagkat magdamagang biyahe ito, sa
layo ba naman ng Cagayan. Alas-sais
at papapikit pa lamang ang liwanag ay tulog na ang karamihan sa mga kasamahang
pasahero kabilang sina Auntie Nelly
subalit heto pa rin ako nananatiling dilat at pinagmamasdan ang lansangan.
Dahil apat na oras na kaming nakatengga sa bus, nanunuot na ang lamig sa
katawan at sumasakit na rin ang ulo subalit tiniis ko at sige pa rin sa
pagsulyap kahit balot na ng dilim ang kapaligiran. Ganito pala ang dadanasin mo
sa mahabang biyahe, pangangatog dulot ng ginaw at kailangan mong magbaon ng
makapal na kumot at maraming pagkain para hindi gutumin. Bandang Alas-nuebe
nang makatungtong kami sa Dalton Pass
sa may Santa Fe, Nueva Viscaya na
kung saan pa-zigzag ang daanan at sa bawat pagliko ng bus ay para kaming
umiikot ng paulit-ulit at nakakahilo. Bukod sa pa-zigzag ay unti-unti rin kaming
umaangat at para bang inaakyat ang kabundukan. Lalo pa kong nahumaling pagkat
ngayon lamang nakadaan sa ganong klaseng daanan kaya inigtingan ko ang
paglingon at ang ganda rin ng mga view dahil gabi at makikita mo ang daan na
inyong pinanggalingan. Alas-dyis na, gustuhin ko man matulog na subalit hindi
magawa pagkat maginaw at nadi-distract ang mata ko sa mga street lights.
February 05, 2019
Tuesday
Year VII-036
Ganap
nang sumapit ang hating-gabi at himbing na sa pagtulog ang lahat ng mga
pasahero maliban sa akin na nanatiling dilat at pinagmamasdan ang daanan. Nasa Isabela na kami ng mga oras na iyon at
sa lawak ba naman ng probinsyang iyon, pangalawa sa pinakamalawak na probinsya
sa buong bansa, aabutin pa marahil ng apat o limang oras bago kami tuluyang
makatungtong sa Cagayan. Dahil hindi
nakapagdala ng kumot, nagtiyaga na lamang ako sa twalyang ibinigay ni Auntie Nelly bilang saplot sa katawan
at sa totoo lamang, hindi pala biro ang biyahe patungong Cagayan pagkat lakas ng katawan at mahabang pasensiya ang iyong
kailangan. Sa lamig ba naman sa loob ng bus ay nanaisin mo nang bumaba at
sumakay na lamang ng eroplano para madali na lang ang biyahe, kaso hindi
maaari. Sadyang napakahaba ng biyahe at sampung oras na ang nakakaraan subalit
malayo pa rin kami sa aming destinasyon. Bandang Ala-una nang tuluyan na kaming
makatungtong sa Cagayan subalit
hindi pa roon ang bayan nina Mama at tatlong oras pa ang titiisin. Kung ako na
halos mabaliw na sa pagkangatog at sumasakit na rin ang ulo, paano na kaya ang
Driver na maghapon at magdamag nang dilat ang mata, maipagmaneho lamang kami at
kung iisipin ay hindi nga biro ang kanilang trabaho, tapos kung kailan holiday
na dapat sana ilalaan nila ang oras para sa mga pamilya, doon pa sila
pinakakailangan. Kahit masasabing bus driver lamang sila, saludo pa rin ako sa
katatagan at tiyaga na ipinamamalas nila at maituturing din silang bayani. Sa
tulin magpatakbo ng bus driver, bandang Alas-tres nang sa wakas ay makarating
na kami sa Santa Teresita, mas maaga
kaysa sa inaasahan. Pagkatungtong sa mismong bahay ng Auntie Nelly, manlaki ang mata sa gulat pagkat malaki at
malamansyon pa. Nakatira rin sa bahay na iyon ang aking lola na si Inang Baket subalit sayang lamang at
wala sa bahay ang anak ni Auntie Nelly
na si Arjay pagkat nasa abroad daw
ito. Ibig ko sanang makipagpalitan ng kuro-kuro sa kanila, kaso hindi naman
magawa pagkat sadyang naninibago ako at out of place din pagkat Ilokano ang kanilang wika at hindi
maunawaang lubos kung ano ang tinuturan. Kahit may pagkabalisa’t nahihiya ay
nagawa pa ring makipagkilala sa mga Tiyahin at Tiyuhin ko maging sa iba ko pang
kaanak na naroroon na ang ilan ay pamangkin ko na. Dahil napagod sa
napakahabang biyahe, pagkalapag ng mga gamit at bihis ay diretso na ko sa
pagtulog. Masarap pa sana ang tulog ko nang magising dahil sa mga pamangkin ko
na maiingay at panay palitan ng salita na hindi ko naman maintindihan. Mistulan
tuloy akong banyaga sa kanilang lugar pagkat ako lamang ang hindi nakakaunawa
sa dayalektong ginagamit nila subalit hindi maglalaon ay kasasanayan ko rin.
Saktong Alas-siete na pala ng umaga kaya daglian nang bumangon at pagkaalmusal,
isinama ako ni Auntie Nelly sa
kanilang palengke. Pagkatungtong ay anong ganda at lawak ng palengke ng
kanilang bayan at habang namimili’y marami akong nakitang mga ibinebenta na
ngayon lamang nakita at wala sa Maynila
gaya ng Gaka na aakalain mong bato
lamang na maliliit na pwedeng ipanglaro sa Sungka
subalit hindi mo alam ay may makakain pala sa loob nito. Nagpatuloy kami ng Auntie Nelly sa pamimili at mga dakong
Alas-otso na bumalik sa bahay bitbit ang iba’t ibang mga prutas at gulay na ang
ilan ay baguhan lamang sa paningin. Pagkalapag ng mga pinamili’y naisipan kong
maglibot-libot at habang ipinipihit ang yapak saanman naisin ng isip ay walang
ibang makita kundi mga malalawak na palayan na nakapalibot sa kanilang village
at mahalina ako sa ganda, kitang-kita rin ang bulubundukin ng Sierra Madre at nang makarating sa pook
tambayan ay huminto muna ako’t ipinagpatuloy pagmasdan ang natatanging ganda ng
tanawin na sa kanilang probinsya lamang matatagpuan at sarap kuhaan ng
litrato’t sabay upload sa mga Social Media. Kinahapunan at dahil hilig ko
talaga ang mag-explore, kasama ang mga pamangkin ay naggagala-gala kami
hanggang sa makarating sa sinasabi nilang Amianan.
Habang naroroon at pauli-uli’y may isang ale ang nakaupo’t daig pa ang barako
kung makahithit ng tabako, nalingat siya sa akin at nagtanong. Nang
makapagkilala at kausapin siya, hindi akalaing pamangkin pala nito si Mama. May
kalayuan na ang Amianan mula sa
bahay ng Auntie Nelly at kung saan
dati nakatira si Mama subalit hindi akalaing may kamag-anak pa kami roon. Siya
si Lola Reming at bukod sa kanya’y
nakilala ko pa ang ibang kamag-anak at nakakatuwa lamang pagkat hindi akalaing
sa buong village na kinalakihan nina Mama, kamag-anak ko pala ang halos lahat
sa mga taong naninirahan. Dahil medyo nasarapan sa paggala kahit bagong salta
lamang, pahingalo na rin ang liwanag nang makauwi kami. Sa pagsapit ng gabi ay
naramdaman kong naiiba ang Cagayan
pagkat hindi ito gaya sa Maynila na
nuknukan sa ingay at nakakabingi na ang katahimikan, wala ka na ring makikitang
mga tambay at maagang natutulog ang mga tao roon. Tila kay sarap nga tumira sa
ganong klaseng lugar at makakapag-isip ka ng maayos. Kung anuman ang mayroon sa
kanila’y sana ay ganon din sa amin.
February 06, 2019
Wednesday
Year VII-037
Panibagong
araw na kakaharapin nang pananatili ko sa Cagayan.
Naiiba lamang ang klima sa Cagayan
pagkat mas malamig kung ikukumpara sa lugar na kinalakihan, kaya wala pang
balak bumangon at gusto ay humilata pa ng husay subalit tanghali na’t gising na
ang mga kasamahang kaanak sa bahay, nakakahiya naman kung sila pa mismo ang
mangungulit upang bumangon kaya bumangon na ko. Pagkamumog ay kaagad na kong
lumabas at naisipang mag-jogging. Umaga pa lamang, subalit tamang lakwatsa muli
ako’t libot-libot. Sa ganda ba naman ng kanilang lugar ay sino ang hindi
maiiwasan ang mamasyal at marami ka talagang makikitang magagandang tanawin.
Kung ikukumpara sa Batangas, hindi
ito gaya ng lugar na kung saan tago ang aming bahay at sa halip na puro gubat
ay puro palayan ang matatanaw, may iba’t iba rin hayop ang masisilayan gaya ng
mga baka at kalabaw. Bukod pa roon ay puro mayayaman at may kaya ang nakatira
at hindi layo-layo ang mga bahay, hindi rin naman dikit-dikit. Hindi tulad sa Batangas na magkakalayo ang mga bahay
at para bang wala kang kapit-bahay kundi mga puno. Sa ganda ng Cagayan, parang ibig ko nang manuluyan
muna roon ng isang buwan o kahit doon na ko tumira. Hindi bale at kapag
nagkapera, magpapatayo ako ng bahay at doon na maninirahan, matutupad iyon,
tiwala lang. Habang naglalakad pabalik ng bahay ay saktong nakasalubong ko si Auntie Wilma na abala sa pagpapataya ng
Loteng at magkasamang tuwa at sabik
ang namayani sa dibdib nang sabihin nitong ipupunta niya ko sa iba pa naming
kamag-anak sa Gonzaga. Sa bahay ng
anak nitong si Ate Kristel kami
tutungo at kahit sa kabilang bayan lamang sila naninirahan, inabot pa rin ng
isang oras bago kami nakatungtong sa kanila. Saktong naroroon si Ate Kristel at iba pa nitong kasamahan
sa bahay na abalang-abala sa ginagawa’t dagliang nakipagkilala sa kanila.
Nahihiya man ng lagay pagkat ngayon ko lamang sila nakilala’y lakas loob pa
ring nakisama kahit madalas ay out of place kapag nag-uusap-usap sila dahil Ilokano ang wika nila. Mabait naman si Ate Kristel at makwelang kasama, kahit
hindi na ito kasing edad at may tatlo nang anak. Maya-maya pa’t gawa ng
pagkabagot ay naisipan ko munang lumabas at magpagala-gala kahit katirikan ang
araw hanggang sa marating ang kanilang dalampasigan. Nag-uumapaw ang
pagkamangha sa mata habang pinagmamasdan ang dagat. Ibig ko sanang maligo’t
magtampisaw, hindi nga lang magawa pagkat walang naliligo at wala halos
katao-tao, hindi gaya sa Laiya, Batangas
na kahit hindi panahon ng bakasyon, marami pa rin ang naliligo, marami ring mga
nakatayong resort. Sa ganda ng dagat na tila langit sa kabughawan, nanatili
muna ako roon at talaga namang humahampas ang sariwang hangin sa balat at sarap
mahimlay, makakapag-isip ka pa ng maayos. Isang oras din ang pinalipas ko bago
bumalik sa bahay ng Ate Kristel. Mga
bandang hapon nang mapagpasyahan namin ng Auntie
Wilma na umuwi. Gawa ng pagod sa nilayo-layo ng biyahe, daglian akong
nagpahinga. Walang magawa at bilang pampalipas oras, tamang kwentuhan lang sa
pinsan kong si Ate Lovely at kulitan
na rin sa mga anak nito aking pamangkin. Sabihin nating kuripot ang mga Ilocano subalit may ugali naman silang
kaaya-aya at iyon ay pagiging palakaibigan at marunong makisama sa kahit na
sino, kahit taga ibang ibayo pa gaya ko. Kasabay ng pagkagat ng dilim ang
paghahari muli ng katahimikan sa kanilang lugar pagkat maagang nagsisipagtulog
ang karamihan sa mga tao, mukhang hindi na kakailanganin pang magpatupad ng
curfew pagkat disiplinado ang mga kabataan.
February 07, 2019
Thursday
Year VII-038
February 08, 2019
Friday
Year VII-039
February 09, 2019
Saturday
Year VII-040
February 10, 2019
Sunday
Year VII-041
February 11, 2019
Monday
Year VII-042
February 12, 2019
Tuesday
Year VII-043
February 13, 2019
Wednesday
Year VII-044
Alas-dos
ng madaling-araw nang ako'y magising pagkat muling dinadalaw ng sipon.
Nag-uumapaw pa talaga ang antok sa mga mata na tipong ibig na matulog, kaso
hindi magawa pagkat panay ang singa, panay din ang aking bahing. Pakiwaring
sasamain nanaman ng lagay pagkat walang humpay ang paglabas ng uhog subalit
humupa naman kalaunan. Gawa na naputol ang tulog kinamadaling-araw, bandang
Alas-otso na nagising. Diretso gawaing bahay ako matapos mag-almusal. Habang
nagwawalis at kakwentuhan si Mama, inandaran muli ako ng pagkaimbyerna nang
biglang sumabat ang ate na parang ipinapalabas na wala raw akong naitutulong sa
kanila at puro sarili lamang ang iniisip. Hindi ko na makaya pang pigilan ang
hinanakit na dala-dala ng kalooban buhat ng sabunin ako ng Tita Cleo
kaya tahasan ko nang ibinulalas sa kanila ang sama ng loob at lahat ng sinabi
sa akin ng Tita. Nasasaktan lamang ako sa kanilang ipinapakita sapagkat
balewala rin pala ang mga tulong na naipamalas ko sa kanila gaya ng
isinakripisyo ko ang pagbabakasyon sa Cagayan, makapagpa-check up lamang
sina Papa. Batid kong hindi ganon kalaki ang naitutulong ko sa kanila gaya ng
naibibigay na tulong ng ate subalit huwag naman ipamukha na wala talagang
naitutulong. Palibhasa ay hindi sila marunong mag-appreciate ng mga tulong na
galing sa akin kaya pakiramdam nila'y hindi ako maasahan at doon talaga ako
pinakanasasaktan! Sa yamot ko talaga, hindi na napigilan pang makipagsagutan
kay ate't malabo na ngang maibalik sa dati ang maayos naming samahan magkapatid
dahil may taglay itong ugali na hindi ko talaga lubos na matanggap at masyado
niya kong nahuhusgahan sa mga bagay na hindi naman talaga ako. Tingin niya sa
akin, walang kwentang kapatid at pabigat sa pamilya, di porket wala akong
trabaho'y nagagawa na niyang tratuhin ng ganon-ganon na lamang, samantalang
nung panahong nangangailangan siya ng tulong mula sa akin, hindi naman ako
nagdalawang isip na tumanggi, tapos ganon pa rin ang maririnig mula sa kanya,
nakaka-disappointed! Dami niyang Hanash! Dala ng pagkayamot ko sa kanya,
pinag-igihan ko pa lalo ang pagwawalis at pagpupunas sa loob ng bahay nang wala
naman siyang masabi at mapatunayan na mali ang pag-aakalang hindi ako
maaasahan! Kinahapunan at ibig ko man ang maglakwatsa't dayuhin ang bahay ng
mga kaibigan subalit pinili na lamang na manatili sa bahay at tulungan sina
Mama sa pag-aalaga kay Anya maging na rin sa mga gawain sa bahay. Kinagabihan, anong ingay talaga sa lugar
namin pagkat naglipana muli ang mga maiingay na tambay at malalanding
kababaihan, hindi tuloy makapag-concentrate sa pagsusulat ng kwento. Gawa na
inaantok na ng lagay, maaga akong natulog.
February 14, 2019
Thursday
(Valentine’s
Day)
Year VII-045
Akalain
mo nga naman ang panahon, araw nanaman pala ng mga puso subalit hanggang ngayon
ay nanatili pa ring single at hindi pa nakikilala ang taong nakalaan para sa
akin. Kailan ko kaya siya makikilala’t kung hindi pa talaga panahon na makilala
ang taong iyon, ayos lamang pagkat may tamang panahon para diyan, hindi ako
maiinip. Dama muli ng katawang lupa ang malamig na panahon kaya tinatamad
muling bumangon, ibig pa talagang magbuhay prinsesa ng lagay subalit baka
makarinig muli ng hindi maganda mula kina ina at ipamukhang walang kwentang tao
kaya bumangon na ko. Pagkaalmusal at kahit Valentine’s day, wala pa ring
pinagkaiba ang araw na ito sa akin na normal at ilalaan ang oras sa paglilinis
ng bahay. Kaagad din naman akong natapos sa gawaing bahay.
February 15, 2019
Friday
Year VII-046
February 16, 2019
Saturday
Year VII-047
February 17, 2019
Sunday
Year VII-048
February 18, 2019
Monday
Year VII-049
February 19, 2019
Tuesday
Year VII-050
February 20, 2019
Wednesday
Year VII-051
February 21, 2019
Thursday
Year VII-052
February 22, 2019
Friday
Year VII-053
February 23, 2019
Saturday
Year VII-054
February 24, 2019
Sunday
Year VII-055
February 25, 2019
Monday
(People
Power Revolution)
Year VII-056
February 26, 2019
Tuesday
Year VII-057
February 27, 2019
Wednesday
Year VII-058
February 28, 2019
Thursday
Year VII-059