December 01, 2018
Saturday
Year VI-335
Saturday
Year VI-335
12Z-E. Akalain
mo nga naman ang panahon, hindi akalaing sumapit na sa buwan ng Disyembre,
hudyat na malapit na talaga ang Pasko at dadako nanaman sa panibagong taon,
kaya naman ang nadaramang lamig ng panahon, lalo pang sumisidhi at umaatikabo,
lalo pa tuloy tinatamad sa pagbangon subalit bumangon pa rin ako pagkat
tanghali na. Gaya nitong mga nakaraang araw ay pagsusulat at edit muli ng
kwento ang aking napagkaabalahan bilang pampalipas oras. Bakit ganon at
tinamaan muli ng pagkablangko ng utak, wala tuloy maisip na maidudugtong. Nang
tuluyan na talagang tamarin sa pagsusulat ng kwento gawa na wala nang maisip,
gawaing bahay naman ang inatupag ko. Mga bandang hapon nang ipagpatuloy kong
asikasuhin ang kwento at sarap nga naman maging Writer. Sa sobrang abala sa pagsusulat
at edit pa, hindi namamalayan ang pagsipa ng gabi’t oras nanaman upang
maghapunan na tamang-tama sa kanina pang kumakalam na Sikmura. Wala akong
magawa nang gabing iyon kaya itinutok na lamang ang mata sa panunuod ng
Telebisyon.
12Z-F. Dahil
ngayong araw ipinagdiriwang ang World
HIV Day, patungkol sa mag-asawang mayroong HIV ang tampok na kwento sa Maala-ala
Mo Kaya. Siya si Shiela na
kinamumuhian ang mga taong may sakit na HIV
dahil sa iniisip nitong pariwara’t marurumi silang nilalang subalit nang
makilala nito si Rey at magkaroon
sila ng anak, hindi nito akalaing may HIV
pala at nahawaan pa sila mag-ina kaya ganoon na lamang kalaki ang galit ni Shiela na hanggang sa kamatayan ng
kanyang kabiyak ay hindi nito nagawang samahan at ipinaramdam na mag-isa
lamang. Sa takot na pandirihan sila ng mga tao lalong lalo na ang pamilya’y
nagawa nitong ilihim ang tunay na sakit maging sa kanyang anak. Hindi naging
normal ang kanilang pamumuhay pagkat kinailangan nilang manirahan sa Shelter
kung saan kasama ang mga kapwa may HIV
rin subalit kalaunan ay sinubukan pa rin nilang mamuhay ng normal at lumaban,
sa kabila na batid natin ang HIV ay
isang seryosong sakit na nakamamatay at hindi pa nagagamot.
12Z-G. Nakaka-inspired
lamang dahil nagawa nilang magpakatatag at lumaban mag-ina sa kabila na maaring
limitahan ng ganung sakit ang kanilang pamumuhay at ipinamulat sa atin na hindi
lahat ng mga may ganung uri ng sakit ay marurumi o sumasali sa mga prostitusyon,
nararapat lamang na hindi natin sila husgahan, bagkus ay tulungan pa ngang
maka-survive at pababain ang insidente ng mga taong nagkakaroon ng HIV at AIDS dahil sila ang mga sakit na hindi dapat balewain at lalong
hindi dapat pandirihan. Sa kabila ng mga kinakaharap na problema sa
pang-araw-araw, mas matindi pa ang problemang kinakaharap ng iba subalit
lumalaban pa rin sila’t hindi hinahayaang magpanaig sa kanilang mga
kahinaan.
December 02, 2018
Sunday
Year VI-336
12Z-H. Naghuhumindig
na ang kaliwanagan sa labas nang ako’y magising. Habang nag-aalmusal ay bigla
akong inutusan nina Mama na magtungo muli kina Tita Cleo upang kuhain ang ilan sa mga dala nilang pasalubong na
galing Batangas. Saktong wala naman
akong gagawin at sa kagustuhan na rin makapaglakwatsa, mabilis pa sa guhit ng
kidlat ang pagpayag ko, para makatulong na rin sa kanila kahit papaano ngayong
wala pang maipapalamon pagkat nanatiling walang trabaho. Mga bandang Alas-nuebe
nang mapagpasyahang kong umalis at minamalas lamang ng lagay na hindi na
mapigilang makapagbitaw ng katagang lintik pagkat kung kailan nasa biyahe ako,
bigla na lamang nag-alburoto ang Sikmura. Hindi ko inasahang magpupururot sa
kabila na hindi naman kadamihan ang nilamon bago umalis at nagagawa pang
pigilan sa una subalit sa sobrang sakit na tipong gustong-gusto nang isilang ng
masamang laman, hindi ko na kinaya hanggang sa napagpasyahang bumaba na lamang
kahit hindi pa nakakarating ng terminal at naghanap ng mapagpaparausan.
12Z-I. Sa
sobrang pagmamadali ko sa paghahanap ng palikuran dala na babagsak na, hindi
namalayang sa babae ako pumasok. Maigi na lamang, walang gumagamit ng palikuran
at tanging Janitor lamang ang naroroon na siyang nagpabatid na sa Girl’s
Comfort Room pumasok kaya hindi naman nakakahiya at kung makita man nila,
sasabihing “Kagaya nila ako, I have what you have too”, mga ganung litanya.
Hindi pa natapos ang kalbaryong aking sinasagupa pagkat sa labis na
pagmamadaling maisilang ang masamang laman, naihian na ang pantalon at
underwear, saktong wala pang tubig nang makapaghugas naman ako kaya hindi
mapigilang makapagsabi ng “Shit” at “Oh men” na tipong literal na nangyayari sa
akin. Hindi ko mawari kung anong mayroon sa araw na ito’t minamalas-malas
talaga ng lagay at napaka-clumsy ko.
12Z-J. Ang hirap
nga naman kapag inabutan ka ng pagsakit ng Tiyan pagkat gaya ng panganganak,
hindi mo mapipigilan ang paglabas nito’t kung saan-saan na lamang dadatnan.
Para talaga akong napaanak nang wala sa oras nang panahong iyon. Sa kabila na
inabutan ng pag-aalburoto ng Sikmura’y hindi napurnada ang pagtungtong ko sa Novaliches at sa halip na ipihit na ang
yapak kina Tita Cleo ay tumungo muna
ako sa Dental Clinic kung saan nagpapabunot ang Tita Susan. Saktong binubunutan na ito pagkatungo ko roon at hindi
ito kaagad pinaalis ng Dentista pagkat mataas ang dugo nito kaya naghintay muna
kami. Nang bumalik sa normal ang dugo ng Tita ay saka lamang kami pinayagang
umalis.
12Z-K. Sina Harvey at Kuya Darrel lamang ang nadatnan namin pagkatungo roon at saktong
wala ang Tita Cleo kaya di naman
nilalamon ng hiya. Pagkabigay ng mga gulay at prutas sa akin na galing
probinsya, hindi na nagtagal pa. Mabuti na lamang at matikas-tikas ang
pangangatawan kaya kahit may kalayuan mula kina Tita Cleo hanggang sa terminal ng Jeep doon sa Sangandaan ay nagawang bitbitin ang napakabigat na plastic bag.
Dulot ng matinding pagkahapo’y diretso pahinga ako pagkatungtong ng yapak sa
tahanan. Kinagabihan muli at dahil wala nanaman magawa, nilibang ang sarili sa
panunuod ng Telebisyon. Saka lamang napagpasyahang matulog nang tamaan ng
antok. Kahit hindi maganda ang mga naganap sa akin sa araw na ito na halos
isumpa na’y nanatili pa ring positibo at umaasang magiging maganda ang kakaharaping
kinabukasan.
December 03, 2018
Monday
Year VI-337
12Z-L. Di mo
akalain ang takbo ng panahon at sumapit nanaman pala sa araw ng Lunes,
panibagong simula para sa buong linggong ito na may pag-asa. Gumising ako na
may kasiglahan ang kalooban kaya matapos mag-agahan ay daglian nang inasikaso
ang mga gawain sa pang-araw-araw, ang gawaing bahay. Hanggang kailan kaya
ganito na taga-linis lamang ng bahay, sa halip na kumakayod na ko para
makatulong na sa pangangailangan. Sa kabila na ganito na lamang ang aking
gawain, umaasa pa ring makakamtan kung anuman ang hinahangad ng puso, magtiwala
lamang at manalig parati sa maykapal. May mga bagay talaga sa Mundo na akala
mo, hanggang doon na lamang subalit may iaangat pa’t iyon ang aking
pinanghahawakan sa ngayon, kaya walang dahilan para mawalan ng pag-asa.
12Z-M. Nang
makapagwalis at punas-punas, pagsusulat ng kwento ang sunod na pinagkaabalahan.
Nang magsawa sa kakasulat at dahil wala talagang magawa, ni wala din
kumakausap, heto muli ang matang itututok sa panunuod ng Telebisyon ang gugulin
ang pagsi-Siyesta kapag tinamaan na
ng pagkaantok. Ganoon man palagi ang aking gawain, ang mahalaga’y hindi
nakakagawa ng bagay na lubos na hindi tanggap ng lipunan maging ng Diyos. Hindi
masama ang magpakasarap basta siguraduhing tapos na ang lahat ng
responsibilidad at ganap sa buhay. Pagkamulat ng mga mata’y ipinagpatuloy ko
ang pagsusulat ng kwento.
12Z-N. Habang
aligaga sa pag-iisip at pagsusulat ng kwento ang biglang pagbisita ng Tita Susan. Masaya ako dahil may
pasalubong muling matatanggap at malalamnan ang sikmurang hayok sa pagkain. Ang
kaninang bahay na balot sa katahimikan pagkat kapwa abala, biglang umingay
dulot ng samu’t saring kwento ng Tita
Susan at gaya ng Auntie Andrea
ay hindi ito nauubusan ng sasabihin. Maging sa gabi’y tanging pagsusulat lamang
ng kwento ang pinagkaabalahan. May kalaliman na ang gabi naisipang matulog at
nagpapasalamat dahil nairaos muli ang araw na ito nang walang pangyayaring
hindi kanais-nais.
December 04, 2018
Tuesday
Year VI-338
12Z-O. Nagising
na lamang ako sa lakas ng pag-uusap nina Papa at Tita Susan na kung pakikinggan ay napakaseryoso ang laman ng
kanilang usapan patungkol sa pananim nito sa probinsya na diumano’y sinira ng
isang tampalasan. Sa una’y nakikinig lamang ako sa mga hinaing ng Tita Susan at talaga namang
nanggagalaiti ito sa galit na kulang na lang daigin ang isang bulkan na
nag-aalburoto. Marahil, kahit naman sino sa atin na ang bagay na dugo’t pawis
ang pinuhunan, mapalago lang ito at makamit ang minimithi, sa isang iglap ay
mawawalang parang bula dahil sa mga mapang-abusong tao. Lubos kong nauunawaan
ang Tita sa kanyang pinagdaraanan kaya kahit usapang pangmatanda’y lakas loob
nang nakisingit at pinakinggan ang mga natatago pa nitong bangis na ngayo’y
halos ayaw nang magpaawat habang inilalahad. Nakakagigil lang dahil
pinaghirapan niya talaga ang pananim, tapos sisirain lamang ng walang hiyang
tao.
12Z-P. Di niya
inisip na hindi siya ang nagpakahirap sa pagpupunla ng pananim, tapos sisirain
na lamang ng basta-basta at bukod sa nakakagigil ay nakakapanghinayang makitang
napupunta lamang sa wala ang lahat ng iyong pinaghirapan. Dapat talaga sa mga
taong walang ginawa kundi maminsala nang may gamit nang may gamit, ipinalalasap
kung anuman ang ipinalalasap sa mga taong nagiging biktima nila nang sa ganon
ay magtanda’t iba na talaga ang Mundo ngayon, marami nang mga taong
mapang-abuso’t hindi iniisip ang magiging damdamin ng kapwa. Kahit di ako
kabahagi sa mga pinagdaraanan ng Tita
Susan na bakas sa mukha ang panlulumo’y nakaramdam pa rin ng panggigigil
dahil sa kwento nito.
12Z-Q. Kalaunan
ay kumalma naman ito’t hindi nalagutan ng ugat dulot ng galit dahil High Blood ito. Balak ko sanang
mag-apply ngayong wala namang ginagawa, kaso tinamaan ng pagkatamad pagkat
maulan ang panahon at may kalamigan pa. Dahil hindi natuloy ang balak ay
nagwalis at punas na lamang ako. Katamad nga naman ang magkikilos-kilos sa
panahong maulan at gusto’y igugol na lamang sa maghapon ang sarili sa pagtulog.
Kinahapunan at dahil hindi naman ako makalabas ng bahay dulot na nag-uulan-ulan
ay tanging pagsusulat na lamang ng kwento ang pinagkaabalahan maging sa gabi.
Gaya ng mga nakalipas na gabi at dahil hilig ko talaga ang magpuyat ay mga
hating-gabi na napagpapasyahang matulog. Mabuti na lamang at nanatili pa ring
mapusyaw ang mukha’t nagniningning ang mga mata sa kabila ugali ko ang
magpuyat.
December 05, 2018
Wednesday
Year VI-339
12Z-R. Damang-dama
na ang simoy paskong panahon kaya ang resulta’y naging pahirapan sa akin ang
bumangon at ibig pang ibalot ng husay ang buong katawan sa napakakapal na
kumot. Dahil ngayong araw ang Check-up at examination naming magpapamilya para
malaman kung may nahawaan ba si Papa mula sa sakit nitong Tuberculosis, maagang nagising ang bawat isa sa amin subalit silang
tatlo muna nina Mama ang nagtungo sa barangay at naiwan kami ng Kuya Al. Nang makauwi si Mama ay saka
lamang ako nagtungo’t saktong ineeksamin pa sina Papa, ate maging na rin si Anya pagkatungo roon.
12Z-S. Akala
ko’y simpleng paglalagay lamang ng laway o plema sa tube ang gagawin subalit
nagkakamali pagkat kailangan maabot ng dami ng plema ang itinakdang marka sa
tube bago mo iyon ibigay sa taga-eksamin at sa totoo lamang ay
magkandaduwal-duwal ako habang pilit na inilalabas ang plema mula sa lalamunan.
Maayos ang pakiramdam ko nang mga oras na iyon, walang ubo o sipon kaya lubhang
nahirapan sa pagpapalabas ng plema at kailangan ay ma-meet ng amount nito ang
hinihinging dami ng plema at muntikan na talaga akong masuka. Nang sapat na ang
nailabas kong plema’y daglian na itong ibinigay sa taga-eksamin subalit
nanghinayang nang i-reject nito pagkat may halong residue ng pagkain, kailangan
ko tuloy umulit para maging valid ang magiging resulta. Saka lamang ako tuluyang
nakaraos nang sa pangawalang subok ay tanggapin na ang tube.
12Z-T. Hiling ko
lang sana na kalugdan ng aming loob ang magiging resulta walang nahawa ni isa
sa amin o sana, sa magiging resulta’y magnegatibo na si Papa mula sa Tuberculosis. Dahil marami pang
examination ang ipapagawa kay Anya,
umuna na ko sa kanila. Malapit nang magtanghali subalit hanggang sa mga oras na
iyon ay hindi pa sila dumarating at kalam na kalam na ang Sikmura sa kagutuman,
wala tuloy ibang ginawa kundi batiin ang gutom at tila mahihimatay na dulot ng
pagkalam. Saka lamang talaga nakapagpananghalian nang makauwi sila’t parang
isang buwan ang lumipas kung makalamon.
12Z-U. Kinahapunan
at gawa na nababagot muli ng lagay, heto muli ako na gagamitin ang mga
nalalabing oras sa pagsusulat ng kwento’t pag-online sa mga Social Media bilang
pampalipas oras. Sa sobrang abala ko’y hindi namamalayan ang pagsipa muli ng
gabi at kasabay ng pagkagat ng dilim ay pagkabuhay muli ng kaingayan sa aming
lugar at nakakairita man ang kanilang boses ay walang magagawa kundi magtiis,
di mo rin naman sila masasabihan at dahil may pagkasuwapang, sila pa ang may
ganang magalit at magmataray. Minsan, iniisip ko na sana kahit hindi Alas-dyis
ay may curfew pa rin, nang sa ganon ay tahimik at iwas-gulo pa. Dulot ng
nakagawian, may kalaliman nanaman ang gabi nang maisipang ihimlay ang sarili sa
matigas ngunit komportableng kamang pwedeng maging upuan.
December 06, 2018
Thursday
Year VI-340
12Z-V. Dahil may
lakad ngayong araw upang maghanap ng trabaho, maaga akong nagising at bumangon.
Habang ako’y nagbibihis at handa-handa ay anong ganda talaga ng dumating na
umaga sa akin, napakakulay at mukhang magiging maayos sa maghapon, nasira
lamang dahil sa ate kong napakapakilamera. Sadyang marami itong satsat, di na
lamang manahimik at hayaan sa aking ginagawa’t bukod sa kuda nang kuda na tila
dinaig pa si Mama, nagawa pa nitong insultuhin at husgahan ako. Nang una’y
nagagawa ko pang palampasin ang mga patutsada nito sa akin subalit hindi na
tama ang kanyang mga sinasabi’t nakakasugat na ng damdamin kaya nagsimula nang
magliyab ang nasa dibdib hanggang sa di nga mapigilang komprontahin ito.
Mistulan nanaman kaming aso’t pusa kung mag-alitang dalawa at ano ba talagang
problema niya sa akin?
12Z-W. Madalas ay palagi niya kong pinagagalitan at tinatarayan pa. Sa totoo lamang ay hindi ko mawari kung paano kami napunta sa ganong sitwasyon na malayo ang loob sa isa’t isa, ni hindi magawang magkasundo sa iisang bagay, palibhasa kagustuhan lamang palagi nito ang ibig masunod at hindi marunong tumingin ng kanyang pagkakamali at rumespeto ng kung anuman ang pananaw ng iba gaya ko. Aminado ako na hindi perpektong tao, lalong-lalong hindi perpektong kapatid sa kanya subalit kahit papaano’y sinusubukan kong magbago’t maging mabuting kapatid sa kanya subalit bakit ganon, di niya iyon makita sa akin. Ang problema sa kanya, hindi talaga nito ma-appreciate ang lahat ng kabutihang nagawa ko sa buhay kaya puro masasama’t mga kamalian lamang ang nakikita niya sa akin.
12Z-X. Tingin
nga niya sa akin ay parang isang taong walang kwenta at wala nang nagawang
tama, sa kabila ng naitulong ko, di lamang sa kanya kundi sa pamilya namin!
Tingin niya sa akin, isa akong criminal sa kanya kaya ganon na lamang siya
makapagsalita sa akin na halos ikadurog ng loob. Labis-labis ang sakit na
tinatamo ko mula sa kanya at dala ng sama ng loob, hindi ko na napigilan pa ang
sariling sumbatan siya’t ipamukhang maling-mali siya sa mga bagay na ibinabato
sa akin. Talaga ngang nagbago na ang nakakatanda kong kapatid, hindi na siya tulad
ng dati na maunawain at mararamdaman mo ang kanyang pagkalinga, ibang-iba na
talaga siya pagkat siya na yung tipong tao na mapagmataas at makitid ang
pag-iisip.
12Z-Y. Kung
hindi niya ma-appreciate ang mga ginagawa ko’y wala nang dapat pang gawin, pagkat
siya na ang totoong may problema! Tumigil naman kami sa pagbabangayang dalawa
nang mapansing nababalisa na si Papa. Dulot ng pagka-badtrip at nawalan na rin
ng gana dahil sa pangyayaring di inasahan, napagpasyahang ipagpaliban muna ang
paghahanap ng trabaho. Sa yamot ko, naglaba na lamang ako at lahat ng sama ng
loob ay sa pagkukusot inilabas. Kung makapagsalita’y akala siya parati ang
tama, samantalang sa ginagawa’t sinasabi nito sa akin, sino ang higit na
masahol sa amin? Lahat ng sama ng loob ko sa kanya, itinuon na lamang sa ibang
bagay gaya ng paglalaba, paghuhugas ng plato’t pagwawalis, para wala naman
masabi ang ate pagkat hiyang-hiya naman ako sa kanya!
12Z-Z. Hanggang
kailan kaya kami ganito, nag-aaway at nagkakasakitan ng loob sa isa’t isa. Hindi
ko naman ginusto na maging ganoon kaming dalawa subalit sa ugali niya rin kasi
na hirap pakitunguhan. Matapos ang lahat ng gawaing bahay, nuod muli ako ng
Telebisyon para tuluyan nang makapag-move on ang loob. Kinahapunan, pagsusulat
muli ng kwento ang aking inatupag. Pagsapit muli ng gabi, umalingawngaw nanaman
ang kaingayan sa labas dulot ng mga tambay, kaya pa lalo tuloy hindi
makapag-concentrate sa ginagawa’t kung makahalakhak ng husay at tili pa’y kala
nakamit na ang langit na kanilang minimithi, nakakaasar. Alas-dyis na at ang
dapat sana’y makakamtan na ang mapayapang kapaligiran subalit nagkakamali’t
tila wala nga silang kasawa-sawa, di tuloy ako makatulog.
December 07, 2018
Friday
Year VI-341
13A-A. Umaga
nanaman pala’t kaya ang ingay dulot ng mga tsismosa’y namamayagpag na’t talaga
namang buhay na buhay kung sila’y magpalitan ng kuro-kuro sa isa’t isa, walang
kasawa-sawa kung pag-usapan ang buhay na buhay, sa halip na sariling buhay at
anak ang kanilang intindihin. Mga tao talaga dito sa amin, hindi mo matantsa
ang mga pag-uugali’t kailangan mo na lamang makisama nang sa ganon ay hindi
masangkot sa gulo at sila rin ang malalapitan oras na ikaw ay nangangailangan.
Eksakto Alas-otso na pala ng umaga kaya hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa
pagbangon kahit namumugto pa ang mata sa kaantukan at daglian nang nag-almusal.
Matapos mag-almusal at para wala naman masabi ang napakagaling kong kapatid na
walang ibang ginawa kundi pasaringan ako, inasikaso na ang gawaing bahay. Mga
bandang tanghali nang magtungo muli ako sa Novaliches
pagkat may ipinabibigay muli sa amin si Tita
Susan na mga pasalubong galing probinsya.
13A-B. Sa
sobrang trapik na halos dinaig pa ang pagong sa pag-usad, inabot ng halos
tatlong oras bago makarating doon at sa halip na magtungo sa bahay ng Tita Cleo ay nagtungo pa ko kung saan
namamasukan bilang mananahi ang Tita
Susan. Kahit abalang-abala ito sa pagtatahi’y nakakatuwa dahil nailalaan pa
rin nito ang oras upang makipagkwentuhan at kamusta sa akin at mas maigi na
siya ang kasama pagkat sa totoo lamang, kahit minsan ay naiimbyerna dala ng
pagiging pakilamera nito sa akin, may katangian pa rin akong gusto sa kanya at
iyon ay pagiging maalalahanin at maarugang tiyahin sa akin sa kabila ng aking
gulang, bukod pa roon ay marunong siyang mag-appreciate sa mga bagay na
naipapakita ko kaya naman madalas ay ibinibida niya ko sa kanyang mga
katrabaho, di tulad ng iba na kahit anong husay at buti ang gawin mo, masama pa
rin ang tingin nila sa’yo dahil nga, wala appreciation at sarap manumbat sa mga
taong hindi maka-appreciate!
13A-C. Kung ako
ang tatanungin, sana gaya na lamang ng Tita
Susan ang mga taong nakakasama ko sa bahay. Mga bandang Alas-singko nang
magtungo kami sa bahay at pagkabigay ng mga pasalubong, sa takot na abutan ng
gabi sa pag-uwi’y kaagad na kong nagpaalam sa kanila at nagpasalamat. Biglang
nagliwanag ang mata ko nang bigyan ni Tita
Susan ng pera kaya tiba-tiba muli ako’t masiglang-masigla pa rin sa kabila
may kabigatan ang binuhat mula sa kanila hanggang Sangandaan. Hindi naman ako gasinong sinagupa ng trapik subalit
pagkatungtong ng Commonwealth Highway
ay may bagay akong hindi inasahan at napaghandaan pagkat naging pahirapan ang
pagsakay. Hirap nga naman ang mag-commute kapag inabutan ka ng rush hour at
makikipag-unahan at agawan ka talaga sa sasakyan. Kahit hirap na hirap dulot ng
dalahin ay nakipagbalyahan pa rin sa mga kapwa pasahero, makasakay lamang at
wala nang pakialam kung standing ovation kahit sa buong biyahe. Sa kabila niyon
ay ligtas pa rin naman akong nakauwi’t di nalamog mga dalang prutas at gulay
mula sa gitgitan.
December 08, 2018
Saturday
Year VI-342
13A-D. Ingay
mula sa labas ang tumapos sa masarap kong pagtulog. Umiiral muli ang malamig na
panahon kaya tinatamad pang bumangon subalit kinailangan ko nang awatin ang
sarili sa kama pagkat marami pang dapat asikasuhin. Sa kabila ng mga
kinakaharap sa mga pang-araw-araw ay matuto pa ring maging maligaya at
magpasalamat sapagkat pinagkalooban ka muli ng panginoon nang panibagong araw
at hindi solusyon ang pagpapatiwakal upang matakasan ang kinakaharap na
problema. Matapos mag-agahan, pagsusulat muli ng kwento ang inatupag ko. Habang
aligaga ako sa pagsusulat nang hindi matapos-tapos na kwento’y naasiwa lamang
nang bahagya pagkat nagtitiis na nga sa ingay ng mga tambay at hinahayaan sila,
hindi pa nakuntento’t pinagkakalampag pa ang harapan ng sarado naming tindahan.
Pagsasabihan ko sana, kaso biglang nagsipagtakbuhan, di ko tuloy nalaman kung
sinong mga walang hiyang pangahas ang lumalapastangan sa harapan ng aming
tindahan pagkat nasa loob ako ng kwarto.
13A-E. Mga
kabataan talaga rito sa amin, walang mga modo at bibihira na lamang ang
matitino’t pinalaki ng maayos ng magulang. Tuloy ako sa pagsusulat ng kwento
hanggang sa magtanghaling-tapat. Balak ko sanang ipagpatuloy ang pagsusulat ng
kwento matapos mananghalian, kaso tinatamad na sa hindi malamang dahilan. Hindi
ko mawari kung bakit nga ba tinatamad at gusto parati’y maghapon na lamang
nakahilata. Nang manumbalik ang dati kong kasipagan at dahil nababagot ng
lagay, naisipan kong ilaan ang oras sa pagkukumpyuter. Saktong naghihingalo na
ang liwanag nang makatungtong ang yapak sa tahanan at maghahapunan na rin kaya
pagkalapag na pagkalapag ng ulam ay diretso na si ako sa paglamon na tila isang
taon ang tiniis. Hindi pa ko madapuan ng antok kaya naisipan munang manuod ng
telebisyon.
13A-F. Bukod sa
nakakapagbigay ng inspirasyon sa libo-libong mga manonood ay nagpalakas din ng
loob nang matunghayan ang isang kwento sa Maala-ala
Mo Kaya ang magkapatid na buong tapang na nilabanan ang mga taong nagtatayo
ng minahan sa kanilang isla, kahit isang matibay at malaking pader pa ang
kanilang makakabangga. Sa kasawiang palad, dahil sa paghahangad na ma-preserve
ang isla mula sa minahan, napahamak ang isa sa kanila hanggang sa bawian na nga
ito ng buhay subalit hindi naman iyon naging hadlang at nagpatuloy pa rin ang
kanilang laban kasama ang mga taong bayan hanggang sa isa-isa nang
nagsisipagsara’t alisan ang mga Mining Company at nagtagumpay sila. Tunay ngang
kailangan munang dumaan sa matinding hirap at sakripisyo bago mapasakamay ang
tagumpay.
December 09, 2018
Sunday
Year VI-343
13A-G. Inabot
nanaman ako ng liwanag sa paggising gawa na may kasibaan sa pagtulog. Wala muli
akong magawa kaya gawaing bahay ang aking inatupag at pakikipagkwentuhan na rin
kina Mama. Habang may bagay akong nabanggit sa kanila, sa hindi inaasahan ay
bigla na lamang binara ng ate at pinapalabas na wala akong ibang ginawa kundi
kalokohan, bagay na hindi ko matanggap kaya sa muling pagkakataon ay bangayan
kaming dalawa. Hindi ko mawari kung ano ba talaga ang problema niya sa akin at
marahil, kahit anong gawin kong pagpapakabait at buti, balewala iyon sa kanya
sapagkat hindi ko na mababago ang tingin niya sa akin na masama. Sawang-sawa na
ko’t wala nang dapat pang patunayan sa kanya sapagkat hindi na iyon mahalaga’t
siya na ang may problema.
13A-H. Nakakainis
na nakakagigil lang pagkat masyado na niya akong nahuhusgahan sa bagay na
kailanman ay hindi magagawa at halos kriminal na nga ang tingin. Kung patuloy
na ganyan ang mga ipinapakita niya sa akin na mapagmataas at sariling
paniniwala lamang ang inuunawa, malabo nang magkaayos kaming dalawa. Pagsapit
ng hapon at dahil sinabihan ako ng Ninang
Edith na ibibigay siya sa akin na Aguinaldo,
may tuwa’t kasabikan akong nagtungo sa kanila. Saktong si Tita Dinya lamang muli ang aking nadatnan at sa kabila na wala si Ninang Edith ay natanggap ko pa rin
naman ang pamasko sa kanya. Naghuhumiyaw ang tuwa sa dibdib pagkat may
kalakihan ang aking natanggap at napakalaking tulong talaga para sa mga
gastusin ko sa paghahanap ng trabaho. Pagkaabot ng Tita Dinya ng pera mula kay Ninang
Edith, sa halip na umalis ay nakipagkwentuhan muna sa kanya.
13A-I. Wala pang
balak umuwi sa kanya at dahil malapit lamang mula sa kanila ang bahay nina Myrrh, naisipan ko nang bumisita sa
kanila. Pagkatungtong at bukod kay Myrrh
ay naroroon din ang asawa’t biyenan nito kaya masaya sa loob ng bahay nila at
nakakatuwa dahil muli kaming nagkita. Kamustahan at kwentuhan muli kaming
dalawa at lalo pang sumaya ang usapan nang makapag-video call kay Nikki. Nakaka-miss ang samahan naming
tatlo at parang Tres Marias kaming
magkakaibigan. Sana dumating muli ang panahon magsama-sama muli kami. Dahil
saya, napasarap ang pananatili ko sa kanila, kaya ang resulta ay inabot na ko
ng gabi sa pag-uwi. Dahil maaga pa magigising bukas pagkat may Interview, maaga
akong natulog.
December 10, 2018
Monday
Year VI-344
13A-J. Magkahalong
kaba at sabik ang nadarama sapagkat ngayong araw ang aking Interview at dahil
sa Ayala, Makati pa iyon, may kalayuan mula sa amin, hindi pa nga nagmumulat
ang haring araw ay gumising na ko at naghanda-handa. Nahirapan lamang ako
kumilos ng mabilis sapagkat may kalamigan ang panahon at katamad pang maligo
subalit kailangan itong gawin. Inasahan kong maiipit sa trapik at dahil bandang
Alas-otso gaganapin ang aking interview at sa takot na mawalan ng tiyansang
matanggap kapag mahuli ng dating, Alas-sais pa lamang ay umalis na ko ng bahay.
Pagkatungtong ng highway, mapakamot ng ulo sa dami ng mga pasaherong
nangangarap na makasakay at makapunta ng maaga sa kanilang pupuntahan, kaya ang
kinahantungan ay naging pahirapan sa akin ang pagsakay. Lalo tuloy sumisipa ang
kaba sa dibdib at hindi na maiwasang isipin na baka mahuli na.
13A-K. Kinailangan
ko pa talagang makipaggitgitan bago tuluyang makasakay at dahil naha-hassle na
ng lagay, napapaisip na kung kakayanin pa bang makapagtrabaho kung sakaling
matanggap doon. Punuan ang bus kaya tiis-tiis muna sa pagtayo subalit may
naupuan naman kaagad, iyon nga lang, pagkadako ng EDSA, usad-pagong na ang sinasakyan at ano pa nga bang bago sa
isang highway na walang pinipiling panahon sa pagiging trapik at ikayayamot mo
talaga ang biyahe kapag napadaan doon lalo na kapag may hinahabol. Alas-siete y
medya na, subalit nasa Cubao pa
lamang dulot ng kabagalan, malayong-malayo pa sa Ayala. Dahil naipit sa napakatinding trapik, bandang Alas-nuebe
nang tuluyan akong makatungtong sa Ayala
at maging doon, dama mo ang trapik at kawawa marahil ang mga nagtatrabaho roon
na malalayo ang bahay pagkat araw-araw kakaharapin ang makaubos-pasensiyang
trapik at kailangan, Alas-kwatro pa lamang ay nasa biyahe ka na.
13A-L. Pagkalapag
ng yapak sa RCBC Plaza, kung saan gaganapin ang aking
Interview. Dahil hindi pamilyar ang lugar sa akin, nagtanong-tanong pa kung
saan ang kumpanyang makikipagpanayam sa akin at dahil karamihan sa mga
napagtanungan, hindi alam ang Company na iyon, napapaisip na tuloy na baka Scam
lamang ang na-aplayan ko sa Internet hanggang sa mapagpasyahang huwag nang
puntahan ang interview pagkat masyado nang late at nakakahiya naman sa kanila.
Para hindi naman masayang ang pag-alis ko ng bahay at dahil ipinanganak na
isang pangahas, naisipan ko pang magtungo sa Mall of Asia para doon na mag-apply.
13A-M. Sa LBC ko naisipang mag-apply subalit
pagkatungo mismo sa kanilang Head office, abot-langit ang pagkadismaya nang
hindi tanggapin ang aking application pagkat cut-off na sila ng ganong oras.
Sinubukan kong makiusap kaso wala na silang magagawa pa pagkat nasa pamunuan na
ang desisyon at saktong wala naman sila doon. Gustong-gusto ko na talagang
umuwi pagkat wala naman nangyayari at labis nang nadidismaya subalit sinubukan
ko pa ring magbakasakali at naisipang mag-apply sa Telstra. Bago sumabak sa kanilang Interview, sumailalim muna ako sa
kanila assessment at medyo nahirapan lamang ako pagkat puro abstract at
kailangan mabilis kang mag-isip kaya mina-mani na lamang ang pagsagot.
13A-N. Nang
sumunod na part, bigla akong ginanahan pagkat Personality Test na at dahil Psychology Graduate ako, minanipula ko
ang pagsagot para maging fit sa kanilang company ang resulta at lumaki ang
tiyansang matanggap kahit pakiwaring ligwak sa unang bahagi ng assessment. Nang
matapos ang aming assessment, pinaupo muna kami sa Lobby for the result.
Maya-maya pa’y bigla na lamang ako tinawag at malungkot na balita dahil hindi
ko naipasa ang kanilang assessment. Kaagad naman natanggap ng loob ang kanilang
pasya pagkat nagbakasakali lamang ako. Balak ko pa sanang mag-apply sa iba pang
Company o magpatihulog na lamang sa mga makukulit na head hunters, kaso hapon
na’t tinatamad na ko. Sa layo ng biyahe, diretso pahinga ako’t tikom ang bibig
kina Mama pagkat wala akong napala. Kahit sadyang napakailap sa akin ang
magkaroon ng trabaho na tila dinaig pa ang ibon, buo pa rin ang pag-asa ko’t
iyon lamang ang panghahawakan.
December 11, 2018
Tuesday
Year VI-345
13A-O. Bandang
Alas-tres ng madaling nang magising dahil may Interview muli ngayong araw sa
Makati subalit dahil may kalayuan sa amin at nakakatamad ang magtungo roon,
napagpasyahan huwag nang daluhan at ipagpatuloy ang pagtulog. Marami pa namang
opurtunidad na hindi hamak na mas malapit at iyon ang nagpapanatili ng aking
pag-asa. Eksakto Alas-otso na pala ng umaga nang muli akong magising at dahil
walang balak na mag-apply ngayong araw, buhay katulong muli ako. Maya-maya pa’y
biglang nag-chat sa akin si Marc, na
aking nakilala nung training namin sa Concentrix
at nang malamang mag-a-apply ito, biglang nagbago ang isip ko’t daglian nang
nagbihis at handa. Sa SITEL namin
naisipang mag-apply doon sa Ortigas
at dahil di naman kami magkasabay ni Marc
na magtungo roon at unang beses pa lamang makarating doon, magkanda-ligaw-ligaw
ako. Natagalan pa bago ako makarating ng tuluyan sa SITEL at saktong doon na kami nagkatagpo ni Marc.
13A-P. Habang
aligaga sa pagpa-fill up ng mga form ay ini-orient na kami at kapansin-pansin
na karamihan na naroroon ay puro mga Internship sa halip na mga empleyado at
sila pa mismo ang umasikaso sa amin. Matapos ang orientation, pumasok na kaming
lahat na mga applicant sa testing room para sa assessment. Nakakatuwa dahil
gaya sa Concentrix, may SVAR Test din sila at dahil pamilyar na sa akin ang ganung assessment,
hindi na nangapa-ngapa pa sa paggamit niyon, ni hindi na nga nakinig habang
binibigyan ng instruction kaagad nang nag-dial sa telephone kahit wala pang
signal na magsisimula na.
13A-Q. Pamilyar
man sa akin ang ganung assessment, nahirapan pa rin sa pagsagot pagkat
masyadong slang ang pagkakabigkas at hirap nga naman ng trabaho ng isang call
center agent kapag ganong magsalita ang ‘yong customer, kailangan mahusay ka sa
pakikinig. Bahala na sa magiging resulta mamaya. Nang matapos kaming lahat sa
kanilang SVAR Test, pinapunta muna kaming lahat sa Calling area. Habang
naghihintay ng resulta ay walang ibang maramdaman kundi kaba hanggang sa
tinawag ang iilan sa amin kabilang kami ni Marc
at nagtungo sa sinasabi nilang academy. Pagkatungtong ay ini-orient kaagad kami
para sa training at isa-isang tinawag para ipakilala ang sarili in English.
13A-R. Dahil
batid kong hirap magsalita ng English
at nagkakamali pa sa pronunciation, doble kaba ang naranasan nang ako ang
sumalang subalit nilakasan ang loob sa pagsasalita. Nakakalungkot na nakakatuwa
dahil Next year pa magsisimula ang aming training subalit may choice naman na
ko. Matapos ang aming orientation ay kaagad nang umalis. Balak pa sana namin ni
Marc na mag-apply sa iba, kaso mga
kapwa pagod na’t tinatamad. Sa layo ng biyahe, diretso pahinga ako pagdating ng
bahay. Kinagabihan at bilang libangan ay panunuod muli ng telebisyon ang
inatupag. Nang tamaan ng antok sa mga mata, karaka-karaka nang inihimlay ang
sarili sa higaang gaya ng prinsesa.
December 12, 2018
Wednesday
Year VI-346
13A-S. Panibagong
araw, panibagong pakikibaka muli ang kakaharapin sa isang bagay na lubhang
napakailap, ang paghahanap ng trabaho. Alas-singko pa lamang ng nagmamadaling
umaga ako nagising at kaagad nang naghanda-handa pagkaalmusal. Dahil makakasama
ko muli ang mga kapwa wala pang trabaho sa pag-a-apply, tumungo muna ng Litex upang katagpuin sina Abbie. Pagkalapag ng yapak, si Flor pa lamang ang nadadatnan ko na
mukhang kanina pa naghihintay sa amin at ilang sandali pa nang sa wakas ay
dumating na rin si Abbie kasama si Lhea. Sa Globe, doon sa Seneca Plaza
na sinasabi ni Lhea namin balak
mag-apply at sa hindi inaasahan ay nagkaroon ng aberya pagkat naligaw kami at
nakaabot na ng Maynila, kahit sa
loob lamang iyon ng Quezon City,
kinailangan pa tuloy mamasahe’t nakakapagod. Dahil naligaw ng lagay at sa layo
ng binagtas, pawisan at paguran kaming nakarating doon.
13A-T. Pagkalapag
ng nagkikinisan ngunit dry na yapak, kaagad nang nagpasa ng resume subalit
sinabi ng gwardiya na mamayang Ala-una pa raw kami mai-interview gawa na wala
ang HR, naghintay pa tuloy kami.
Habang naghihintay ay tamang kwentuhan lamang ang ginawa naming apat at sana
nga ay matanggap kami pareho roon para sama-sama pa rin at happy ang work.
Dahil kapwa gutom na, doon na rin nananghalian. Pagpatak ng Ala-una nang
dumating ang HR at isa-isa na kaming
tinawag. Unang tinawag si Flor at
kahit habang naghihintay ay walang ibang maramdaman kundi kaba, iniisip kung
ano kayang tanong ang ibabato sa akin at sana makasagot. Sumunod na tinawag si Lhea at Abbie at saktong ako pa yung kahuli-hulihang tinawag sa aming
magkakasama at pagkapasok na pagkapasok ay lalo pang sumidhi ang kaba subalit
nakakaya ko naman.
13A-U. Bago
kapanayamin, may pinagawa pa sa akin at iyon ay pinag-type at basa. Matapos ang
assessment, halinhinan na kong kinapanayam at medyo basic lamang ang tanong
kaya nakakayang sagutin subalit nang tanungin kung paano makukumbinsi ang
Customer kapag may ibebentang product, doon bigla napaurong ang dila ko at
hindi alam ang sasabihin kaya humingi pa ko ng palugid upang makapag-isip at sa
bait ng interviewer ay pinagbigyan naman. Pakiramdam ko, matapos ang interview,
hindi ko na-impress ang interviewer pagkat aminadong hindi naging maayos ang
pagsagot, dulot ng kaba at di mapigilan ang madismaya subalit umaasa pa rin na
magkakaroon ng trabaho bago matapos ang taong ito. Dahil hapon na, hindi na ko
pinasalang pa sa Final Interview at kaagad na kaming umalis.
December 13, 2018
Thursday
Year VI-347
13A-V. Hindi na
nakatuloy pa sa interview pagkat nakatulog nang husto at tinanghali na sa
paggising. Kahit tinanghali ay naghanda-handa pa rin upang sa muling paghahanap
ng trabaho subalit kung kailan naihanda ko na ang lahat ng kakailanganin ay
biglang nadiskubreng nawawala ang aking pitaka. Hinalughog kung saan-saan na
halos mabaliw na dulot ng stress subalit hindi masumpungan hanggang sa tumimo
sa isipan na nailagay pala ang wallet sa ibabaw ng Washing Machine doon sa
labas nung gabing abala ako sa pagkulwit ng Cellphone. Pagkatungo sa may
Washing Machine, wala na ang aking pitaka, para akong nanghina sa panlulumo at
iniisip na baka inumit na ng magnanakaw. Kahit ganon na ang aking pag-iisip ay hinalughog
ko pa rin ang kailaliman ng washing machine, nagbabakasakaling makikita subalit
wala talaga kaya nakumbinsi nang marahil ay nanakaw na iyon habang lumilipas
ang magdamag at ang laki ko talagang inutil pagkat hindi naisip na maipasok ang
pitaka. Marami pa naman iyon laman na pera na siyang makakatulong sa akin sa
paghahanap ng trabaho kaya para nang pinagsakluban ng langit at lupa ng mga
oras na iyon at made-depress na rin.
13A-W. Habang
naghihinagpis na ang kalooban ay bigla akong nabuhayan nang makita nina Mama
ang pitaka ko sa may tindahan. Ang ipinagtataka ko lamang ay paano napalagay
doon samantalang hindi naman ako nagtungo sa tindahan nung gabing iyon at kahit
pilit alalahanin ay wala talaga kaya napapaisip na marahil ay sina Mama ang naglagay
ng pitaka sa tindahan. Todo tanggi pa si Mama nang tanungin kung siya ba ang
naglagay ng wallet kahit mababanaag na sa mukha. Sa tagal bago mapasakamay muli
ang wallet ay saktong patanghaling-tapat na, medyo tinatamad na ko kaya
naisipang ipagpaliban muna ang paghahanap ng trabaho. Kinahapunan at dahil wala
naman gagawin sa bahay, balak sanang maglakwatsa at magtungo sa birthday party
ng aking inaanak, kaso tinatamad talaga at hindi ko mawari sa sarili kung bakit
tinatamaan ng pagkatamad at nanghihina, gawa ba marahil ng mga pinagdadaanan sa
buhay sa panahong ito o nadidismaya dahil hanggang ngayon ay wala pa rin
trabaho at naiisip na nagiging pabigat at walang silbi sa pamilya.
13A-X. Basta, nanghihina talaga ako, parang
made-depress at gusto lamang ay humilata sa maghapon. Ganoon man ang aking
maramdaman at kaharapin sa buhay, hindi patatalo and life goes on told by
majority. Kinagabihan ay idinaan ko na lamang sa panunuod ng telebisyon ang
naturang nadarama para lumigaya naman kahit paano ang buhay subalit nayamot
lamang pagkat pinapapatay nina Mama at Papa. Sa una’y nahihirapan akong sundin
sila subalit kalaunan ay pinatay ko na, labag man sa kalooban pagkat maunawain
akong nilalang. Gannon naman parati, ako parati ang iintindi sa kapwa at
mag-a-adjust, samantalang hindi nila ako magawang unawain. Kapag nagsalita
naman, ako pa madalas ang lumalabas na masama samantalang inilalabas lang naman
kung ano ang nasa loob. Lalo pa tuloy nade-depress dulot ng pangyayaring iyon
at ibig ko nang magpatiwakal, kaso hindi iyon ang solusyon sa aking mga
pinagdadaanan. Itinulog ko lamang ang naturang sama ng loob at pasasaan pa’y
malalampasan ko ito at magiging maayos ang lahat.
December 14, 2018
Friday
Year VI-348
13A-Y. Hindi man
kagandahan ang mga naganap kahapon na nagdulot sa akin ng depression na
babahagya lamang ay nanatili pa ring napakadalisay ang salubong ng umaga sa
muling pagdilat ng mga mata, tila pinapahiwatig na binabagtas mo man ang
napakadilim na kweba o nasa madilim na yugto ng buhay, laging may naghihintay
na liwanag o pag-asa sa bandang dulo kaya walang dahilan upang sumuko o umayaw,
lalong-lalo nang tapusin ang buhay. Hindi sa lahat ng oras ay ganito ako parati
na malungkot at tila nawawalan ng pag-asa dulot ng pagkabigo, dahil darating
ang panahon na masusumpungan ko rin ang inaasam na kaligayahan at katagumpayang
kailanman ay hindi malilimutan. Pagkaalmusal at bilang libangan at para maiba
naman ay pagbabasa ng dictionary ang aking inatupag, para mahasa naman ang
aking Communication skills in English,
dahil sa panahon ngayon ay iba na ang depenisyon ng katalinuhan para sa mga Pilipino.
13A-Z. Nakakadismaya
lamang isipin na karamihan sa mga Pilipino,
iniisip na wala nang kapabilidad maging sa ibang bagay, hindi na magaling o sa
madaling sabi “Bobo” ang mga taong hindi marunong magsalita o gumamit ng English. Samantala yung mga marurunong,
matalino na agad sa paningin kahit wala naman laman o katuturan ang sinasabi.
Sa totoo lamang ay nagiging Judgmental tayo pagdating sa paggamit ng English, na siyang hindi tama at
kailangang ituwid. Palibhasa ay isa tayo sa mga bansang gumagamit at magaling
magsalita ng English kaya ang
resulta, mas nagiging mapangmata sa grammar, pero ang kulang sa atin ay hindi
tinitingnan ang substance ng sinasabi ng tao na siyang hindi dapat, kaya ang
daling sabihin na kapag wrong grammar ka, hindi na agad magaling at bobo na sa
paningin ng mga taong walang ginawa kundi manghusga at mataas ang tingin sa
sarili!
13B-A. Kung
tutuusin nga, kaya naman natin magsalita ng English ng puro o fluent, pero ang problema pagdating sa Filipino, hirap na hirap tayo at
madalas ay nagiging Taglish ang
sinasabi, bakit? Dahil hindi masyadong binigyang pansin o napaglinang ang
sarili nating wika at mas binibigyang halaga pa ang banyagang lenggawahe kaysa
sa sariling atin! Ang isa pa sa nakakadismaya, kapag marunong ka magsalita ng English, high class ka na agad at
aristokrasya, bukod pa roon, ang English
ay para daw sa mayayaman samantalang ang Filipino
o Tagalog, para lamang sa mahihirap
at hindi nakapagtapos. Ano bang nangyari sa atin, bakit tila ikinahihiya na ang
sarili nating wika o ibinababa ang tingin nito sa halip na pagyabungin pa at
iangat ang kalidad nito, kaya wala tayong kaase-asenso dahil sa language pa
lamang, wala nang pagkakaisa at naghihilahan pababa.
13B-B. Sana
baguhin na ang ganong pag-iisip dahil naniniwala ako na ang taong matatalino,
hindi nasusukat sa kung gaano kagaling magsalita ng English o marunong umunawa sa detalyeng binabasa in English kundi sa pag-unawa ng puso ng
bawat isa sa atin iyon ang tunay na matalino. Sabihin nating fluent sila
magsalita ng English pero hindi
nangangahulugang matalino na. Sa sobrang abala sa pagbabasa ng Dictionary,
hindi namamalayan ang oras at magtatanghali nanaman pala. Kinahapunan,
pagsusulat muli ng kwento ang muling inatupag. Nang hapunan na’y saka itinigil
ang ginagawa upang kumain. Ganito man ang gawain sa araw-araw, ang mahalaga’y
hindi nakakagawa ng masama. Tutok muli ang mata sa panunuod ng Telebisyon
pagsapit ng gabi at matutulog kapag tinamaan ng antok.
December 15, 2018
Saturday
Year VI-349
13B-C. Sa lamig
ng panahon, bigong magising ng maaga. Pagkaalmusal at kahit Sabado ay daglian
nang nagbihis pagkat may panibago nanamang Interview. Sa una’y medyo
nag-aalangang pumunta pagkat Sabado at maliit ang tiyansang makadaupang palad
ang mag-i-interview subalit sayang naman kung pakakawalan kaya nagbakasakali pa
rin ako. Saktong hindi naman gasinong naipit sa trapik sa EDSA kaya kaagad na nakarating ng SITEL at daglian dumeretso kung saan ang recruitment area subalit
ikinadismaya ng ipabatid na nasa event daw ang makikipagpanayam sa akin.
Pambihira’t nagsayang lamang ng pamasahe, wala naman palang napala. Nang
mawaring malabo na talagang mag-interview, hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa
pag-uwi. Saktong magtatanghali na pagkarating ng bahay at sa gutom ay pagkain
agad ang hanap-hanap. Habang sarap na sarap sa paglamon ay biglang nanaig ang
pagkayamot kay ate, paano’y tahasan ba naman nitong binalibag ang bag ko na
nakalagay sa lamesa.
13B-D. Pwede
naman kasing makiusap na alisin ang bag at aalisin ko naman, hindi yung
basta-basta na lamang babalibagin at sa yamot ay di na ito napigilan pang
komprontahin. Nagningas pa lalo ang nasa dibdib nang sabihing wala daw siyang
pakialam kung masira ang bag ko o kung anumang gamit ang mayroon ito. Sadyang
napakagaspang ng kanyang ugali’t gagawa talaga ng paraan upang galitin ako na
siya naman naganap at may kainitan nanaman ang aming sagutan. Makapagsalita
talaga siya, parang napakaperpekto niyang tao at wala na kong ginawang tama,
samantalang kung tutuusin ay mas masahol pa nga sa kanya. Sa tindi ng galit ko
talaga, napakagbitaw na ng salitang lubhang ikinasugat ng kanyang loob kaya
bigla itong natameme hanggang sa padabog na ngang pumasok sa kwarto.
13B-E. Naninigas
nanaman ang mga daliri ko’t unti-unti rin bumibilis ang paghinga dulot ng
inaatake ng Hyperventilation at
walang ginawa kundi pakalmahin ang loob upang hindi magtuloy-tuloy at matigok.
Malamang sa malamang ay hindi mauuwi sa ganito kung maayos lamang siyang
makipag-usap sa akin. Sa totoo lamang ay nahihirapan na talagang makisama sa
kanya dahil sa taglay nitong ugali na hindi matanggap-tanggap subalit
nakikisama pa rin, alang-alang na lamang kina Mama at Papa. Masyado pang
ma-pride at mapagmataas na akala kung sino ang makapagsalita, samantalang wala
pa naman siyang nararating. Sa sobrang pagkabuwisit ko kay ate, natagalan pa
talaga bago tuluyang humupa ang emosyon.
13B-F. Nagpapakumbaba
ako at inuunawa siya pero kung patuloy siyang magiging ganyan sa akin at hindi
marunong tumanggap ng pagkakamali, sa ngayon ay malabong magkakaayos kami at
maibabalik ang dati naming samahang magkapatid. Nasa kanya na talaga ang
magiging kapalaran naming magkapatid pagkat bukas naman ako sa pakikipag-ayos
niya sa akin. Hindi ko talaga ibig ang makipag-away sa kanya dahil nakakadagdag
lamang sa mga problema ni Papa, kaso sumusobra na siya at hindi na tama ang mga
sinasabi at ginagawa sa akin! Dahil napagod dulot ng aming pag-aaway, kaagad
akong nagpahinga.
13B-G. Kinagabihan,
muling naantig ang puso at kinilig pa nga nang matunghayan sa Maala-ala Mo Kaya ang kwento ng
mag-asawang Boni at Nilo nasa kabila na tatlong dekada ang
agwat ng kanilang edad at parang nanay na nga ni Nilo si Boni ay hindi
naman iyon naging hadlang sa kanilang pagmamahalan, kahit tutol na tutol ang
mga anak ni Boni maging ang mga
kapamilya ni Nilo. Sa katunayan ay
ikinasal pa nga sila’t nakakatuwa kahit sa una’y nakakatawa dahil wagas
pagmamahal na ibinigay ni Nilo kay Boni, magmula pa nung bata ito’t hindi
sinukuan kahit malabong maging sila dahil sa edad. Kapag mahal mo nga ang isang
tao, kahit sino pa siya gaya ng parehas kayo ng kasarian o kahit napakalayo ng
edad niyo sa isa’t isa, wala pa ring makakapigil kahit dumating pa ang mga
hadlang dahil makapangyarihan ang pag-ibig at nakakapaghintay ang Puso.
December 16, 2018
Sunday
Year VI-350
13B-H. Alas-kwatro
pa lamang ng madaling-araw nang ako’y magising at bumangon na rin, hindi upang
dumalo sa unang Simbang Gabi kundi sumama kay Tita Susan sa lakad nito kina Tita
Sabel. Dahil sa Jam Terminal
doon sa EDSA-Camias namin napiling
magtagpo, tumungo muna ako roon upang hintayin si Tita. Alas-sais ang
napag-usapang oras ng aming pagkikita subalit malapit nang sumapit ang
Alas-siete ay wala pa rin siya. Habang hininhintay ang Tita Susan ay hindi naman nainip pagkat libangan ko ang pagsusulat
ng kwento at kahit sa susunod na Linggo pa ang Pasko ay marami-rami na ring
pasahero ang nagsisiuwian sa kanya-kanyang probinsya at mabuti pa sila,
nakakapag-outing, samantalang kami magpapamilya ay kailanman ay hindi pa
naranasan ang outing na magkakasamang buo, isang bagay na pinapangarap kong
maganap.
13B-I. Patak-patak
Alas-otso nang dumating ang Tita Susan
at kaagad na namin tinungo ang bahay nina Ninang
Reden. Pagkatungtong sa bahay ng Ninang
Reden ay tanging si Tita Sabel
lamang ang aming nadatnan. Saktong naroroon din ang Lola Nelly na abala sa panunuod ng Telebisyon habang nakahilata at
wala pa ring pagbabago sa kanya pagkat hindi pa rin ito nakakalakad at hirap na
igalaw ang isang kamay dulot ng Stroke
subalit nakakausap naman ito ng tuwid at madaldal. Kung maghuntahan kaming
maglola, tila malalim na ang pinagsamahan kahit ngayon lamang muli nagkita at
walang ibang maramdaman kundi awa kahit masiyahin ito at positibo pa pagkat
lahat ng naisin nitong gawin sa pang-araw-araw, nililimitahan ng sakit.
13B-J. Sa mga
sinasabi nito sa akin, tila napasaya ko ang araw niya. Sa sarap ng usapin ng Lola Nelly, hindi namamalayan ang oras
at tanghali na. Kasabay ng pagsapit ng tanghali ang pagdating nina Ninang Reden bitbit ang mga Grocery
items na limpak-limpak at kaagad na nagmano sa kanya. Balak ko na sanang
humingi ng Aguinaldo sa kanya, kaso pinapangunahan talaga ng hiya kaya hanggang
tingin na lamang ako’t umaasang madadagdagan muli ang nasa pitaka. Maya-maya
pa, kainan na at nahihiya man, kung namumutawi na ang kagutuman ay nagawa pa
ring lumamon ng pagkarami-rami. Tuloy ang kwentuhan namin ng Lola Nelly matapos mananghalian at sa
dami ng napag-usapan namin, marami nang bagay ang alam patungkol sa kanya.
13B-K. Ilang
sandali pa ay nakaramdam na ako ng antok kaya pansamantala munang nagpahinga.
Bago namin lisanin ang malamansyong bahay ng Ninang Reden ay nagningning ang mukha nang makatanggap ng maagang
pamasko, di lamang kay Ninang Reden
maging kina Lola Nelly at Tita Sabel. Sa saya na nag-uumapaw ay
abot-langit ang pasasalamat sa kanila at pagpalain nawa palagi sila ng Diyos.
Nakasama ko ang Tita Susan sa
pag-uwi at sa layo ng biyahe at nuknukan pa sa trapik, inabot na kami ng gabi
nang makarating sa bahay, bitbit ang samu’t saring pasalubong na natamo mula sa
kanila. Dala ng sobrang pagod, hindi na nagawa pang magpuyat at daglian nang
natulog.
December 17, 2018
Monday
Year VI-351
13B-L. Maingay
na sa labas maging sa loob ng bahay na siyang tumapos sa nahihimbing kong
pagtulog. Saktong umaga na’t ganap na rin sumikat ang haring araw kaya bumangon
na ko. Dahil Lunes, panibagong simula ng paghahanap ng trabaho. Habang
nag-a-almusal at pagkabukas ng Telebisyon, ngayong araw pala gaganapin ang Miss Universe 2018. Ibig ko sanang
ipagpaliban muna ang pag-alis upang tunghayan ang pagrampa ng mga
naggagandahang dilag sa buong universe lalong lalo na ang pambato ng bansa na
si Catriona Gray, kaso kailangan ko
talagang gawin ito. Habang nagbibihis ay tamang sulyap lamang sa mga kaganapan
sa Miss Universe at parang humihiyaw
sa tuwa ang loob nang makapasok sa Top 20 si Miss Philippines. Lalo pa tuloy ako ginaganahan sa panunuod at
tinamaan na rin ng pagkatamad subalit nanaig pa rin ang prinsipyo at
ipinagpatuloy pa rin ang balak na mag-apply.
13B-M. Sa Pacific Century Tower doon sa Quezon Avenue ko naisipang mag-apply
bilang office staff, kaso pagkarating kung saan ang opisina, sinabi na lumipat
na raw sila. Nanghinayang ako at napunta nanaman sa wala ang aking
pagkukumahog, di na lang dapat pumunta pa at nanuod na lamang ng Miss Universe. Tila palaging lumalayo
ang grasya sa akin ngayong taon subalit think positive pa rin, naniniwalang may
panahon na mapalad. Para may mapuntahan naman ang pag-alis ko nang bahay, sa
halip na umuwi’y nagtungo muna ako sa Ever
Gotesco Mall. Lahat ng panghihinayang at pagkadismaya biglang napawi,
maging ang mukhang di maipinta’y biglang umaliwalas nang mabatid sa mga
usap-usapan na si Miss Philippines
ang hinirang na Miss Universe 2018
sa apat na pagkakataon at bawat sulok ako mapalingon ay may mauulinig na
hiyawan. Iba talaga ang mararamdaman mo kapag nanalo ang kababayan, di lamang
sa pageant maging sa iba pang larangan at para ka na ring nagwagi.
13B-N. Yung
pakiramdam na halos lumundag ka na sa tuwa dahil nadagdagan nanaman ng korona
ang ng bansang aking sinilangan at may maipagmamalaki nanaman tayong mga Pinoy. Kahit walang napala’y may ngiti
pa rin akong umuwi ng bahay art tila napawi maging ang pagod. Diretso ako sa
panunuod ng Telebisyon matapos mananghalian pagkat bagot na bagot. Pagpatak ng
gabi ang kabi-kabilaan muling pangangaroling subalit kapansin-pansing
manaka-naka na lamang ang mga nangangaroling, marahil ay tumimo na sa kanilang
isipan na taghirap ngayon at inasahang puro patawad na ang maririnig. Iba na
talaga ang panahon ngayon habang lumilipas, tila palungkot na nang palungkot
ang Pasko subalit umaasa pa ring magiging masaya ang darating na Pasko.
December 18, 2018
Tuesday
Year VI-352
13B-O. Dahil may
balakin ngayong araw at iyon ay mag-follow up sa isang kumpanyang aking
inaplayan pagkat hanggang sa mga oras na ito’y hindi pa tinatawag at ayaw ko
namang umasa sa wala. Habang nagpapahangin sa labas at may iniisip ay sa hindi
inasahan at shock pa nga nang bigla muling bungangaan ng napakagaling kong
kapatid, kahit di ko naman inaano. Napakababaw niya’t nakalimutan ko lang
hugasan ang pinagkainan, ganon na ganon na ang kanyang reaksyon at tila ang
laki ng pagkakasala ko. Pwede naman kasi akong kausapin ng maayos upang
ipaalala na may hugasin pa sa lababo, susunod ako, hindi yung pagsasalitaan na
lang ng basta-basta at makakarinig pa ng hindi kanais-nais na pananalita kaya
muling nagningas ang loob ko’t tinapatan ang napakagaspang niyang ugali. Muling
umingay ang bahay dahil sa bangayan naming magkapatid at nakakalungkot dahil
dumadalas na ang aming pag-aaway at palayo na nang palayo ang loob sa isa’t
isa, paano’y may ugali nga siyang hindi ko lubos matanggap at paano ko naman
Irerespeto ang isang tao, kahit nakakatanda ko pang kapatid kung ikaw mismo ay
harap-harapang binastos at pinapahiya pa, she doesn’t deserve it even her being
elder to us!
13B-P. Nakakayamot
na nakakagigil kaya walang pakandungan akong nagpamalas ng mabibigat na salita.
Oo, inaamin kong hindi lumaking banal, may pagkamagaspang din ang ugali subalit
mas magaspang sa kanya at gayunpaman ang pag-uugali ko, marunong akong
magpakumbaba at ikonsidera ang mga pagkakamali ng tao, siya hindi’t may gana
pang magmataas at mang-alipusta kapag nagkamali ka sa halip na turuan. Sa
madaling sabi, bukod sa mapagmataas ay wala rin siyang Konsiderasyon! Humupa
naman ang bangayan naming dalawa at kahit ako’y Beastmood, itinuloy pa rin ang balak. Dahil kakatagpuin ko pa si Gem sa Litex pagkat tutungo rin siya sa pupuntahan ko upang mag-apply,
tumungo muna ako roon. Saktong wala pa ito at habang pasensiyoso ko siyang
hinihintay ay biglang humilab ang aking Sikmura.
13B-Q. Pambihirang
buhay ito’t mapapaanak nanaman nang wala sa oras, wrong timing ikanga! Sa una’y
nakakaya pang pigilan pero sa takot na magkalat pagkat lalabas na talaga,
dali-dali akong naghanap ng palikuran. Nakahanap naman ako at nang makaraos at
dahil nakarating na si Gem ay
nagmadali na ko. Habang patakbo ako sa paglalakad, napansing nakalabas ang
laylayan ng bulsa ng pantalon, ipinasok ko ito subalit nakalabas pa rin kahit
anong pilit hanggang sa matuklasang, baligtad pala ang suot kong pantalon.
Matinding pagkapahiya ang naramdaman ko’t parang ibig na lang matunaw pagkat
marami na ang nakakakita subalit di panaig at gumawa na paraan. Ano bang
mayroon sa araw na ito’t puro hindi kanais-nais ang nagaganap sa buhay. Lalo pa
kong tinadyakan ng hiya nang may nagsabing baligtad ang pantalon at ang lakas
pa ng pagkakasabi, buwisit!
13B-R. Saka
nakahinga ng maluwag nang mabaligtad ang pantalon at agaran nang nagtungo sa
aming tagpuan. Saktong naroroon na si Gem
at kaagad na kaming umalis. Dahil trapik at nagpalimbag pa ng Resume ang gaga,
inabot na kami ng lunch break pagkarating ng Seneca Plaza kaya kinailangan pa tuloy maghintay. Tamang panunuod
lamang kami ng Youtube habang
naghihintay at pagsapit ng Ala-una nang matawag si Gem para sa kanyang interview. Tatanungin ko na sana ang HR para malaman ang dahilan kung bakit
di pa sila tumatawag para sa aking final interview subalit pinangunahan ng
hiya, iniisip ko na lamang na marahil ay hindi nga tanggap at kung magkagayon
man ay ayos lamang. Saka lamang nagkalakas ng loob na magtanong nang makaharap
ang HR at sinabi nitong wala pa raw
ang Unit Manager na mag-i-interview sa akin kaya di pinasalang sa final.
13B-S. Nabuhayan
ako ng loob sapagkat may pag-asa na subalit di pa rin ako umaasa, mahirap na’t
baka masaktan lamang. Sana nga’y matanggap na ko doon pagkat matagal-tagal na
ring nagtatiyaga sa paghahanap ng trabaho. Matapos namin makausap ang HR, daglian nang umalis. Pagkauwi ng
bahay ay mas malala pa sa nangyari kanina nang mapansin ni Mama na baligtad ang
polo ko. Ako na si Dakilang Shunga pagkat sa hinaba-haba ng oras na lumipas ay
di napansing baligtad pala ang suot na polo at si Mama pa mismo kaya halos wala
nang bukas kung makatawa ito. Sumidhi pa lalo ang kanyang pagtawa na halos
mamatay-matay na nga nang ikwento ko pa sa kanya ang patungkol sa kanina. Inis
na inis ako sa sarili pagkat puro kapalpakan ang nagagawa, kahit anong ingay at
ano bang mayroon sa akin at nakakagawa ng bagay na katawa-tawa. Marami man
marahil ang nakakita sa suot ko na pinagtatawanan na rin, ayos lang at walang
dahilan upang mahiya dahil di ko na sila makikita pang muli. Di ko lang talaga
ma-imagine ang araw na ito’t grabe talaga. Kinagabihan, tamang panunuod muli ng
telebisyon ang inatupag. Ilang beses man akong madapa o magkamali sa buhay,
hindi iyon ang dahilan upang panghinaan at mawala ang tiwala sa sarili.
December 19, 2018
Wednesday
Year VI-353
13B-T. Ang ganda
nanaman ng aking napaginipan, kaya ang resulta’y Eksakto Alas-nuebe na pala ng
umaga ako nagising. Dahil malapit na rin mananghalian ay kape na lamang ang
pinanglamang tiyan. Medyo nababagot muli ng lagay kaya pagsusulat ng kwento ang
aking naging pampalipas oras at sa sobrang abala’y hindi namamalayang oras na
pala upang mananghalian. Nababagot talaga ako kaya panunuod naman ng Telebisyon
ang sunod na inatupag. Paulit-ulit man ay hindi magsasawang banggitin na naging
masaya muli ang araw habang nanunuod ng Miss
Q and A sa Showtime at wala ring kasawa-sawa sa pagpapatawa’t kalokohan
itong si Vice Ganda, pampatanggal ng
stress at nakakapagbigay ng Goodvibes.
Matapos manuod at dahil hindi naman sumasanib ang kaantukan ay pagbabasa at
sulat muli ng kwento ang inatupag. Maya-maya pa, nawala na ang konsentrasyon ko
dulot ng mga maiingay na bata at tila walang pakundangan sa mga nagsi-Siyesta.
13B-U. Kinagabihan,
ang pag-arangkada muli ng mga batang nangangaroling at Nakakagulat lamang,
dahil hindi na sila nangangaroling pa sa amin. Kung mangaroling man sila’y wala
naman mapapala dahil sa medyo naghihikahos, hindi lamang halata’y puro patawad
ang mababanggit. Lumalamig na rin ang gabi kaya kahit walang anumang Christmas
decoration ang aming pamamahay ay nadarama ko pa rin ang paparating na Pasko.
Kahit pakiramdam ko na hindi magiging masaya ang Pasko pagkat hindi tulad ng
mga nakaraang taon na kung saan ay nakakatanggap kami ng Hamon at Queso de Bola mula sa give away ni Papa
at mga grocery o Noche Buena items
ay tila wala nang kabuhay-buhay. Gayunpaman ay umaasa pa ring magiging maligaya
pa rin ang darating na Pasko. Nang tamaan ng antok sa mga mata, kaagad nang
natulog.
December 20, 2018
Thursday
Year VI-354
13B-V. Yung
pakiramdam na hindi mo inaakala ang mga bagay-bagay na dumarating gaya na apat
na araw na lamang pala bago sumapit ang Pasko. Sa aking paggising ay walang
ibang maramdaman kundi pananabik pagkat imbitado kami sa Christmas Party ng
church nina Aling Pammy. Nag-uumapaw
man ang saya dulot ng pananabik ay may isang bagay na tila pumipigil pagkat
mukhang sasamain dulot ng sipon. Upang hindi mauwi sa trangkaso o lagnat ay
idinaan na lamang sa pag-inom-inom ng maraming tubig. Effective naman dahil
umaalsa ang aking sipon, iyon nga lang ay may kapalit at iyon ay ang
pag-aalburoto ng Tiyan. Sadyang may mga bagay talaga na pilit humahadlang sa
iyong naisin subalit laban lang at gawan ng paraan. Pagsapit ng Ala-una ng
hapon at dahil may inaasikaso pa si Mama, nauna na kong magtungo sa Church.
13B-X. Saktong
mga batang nuknukan sa kulit at iilang panauhin pa lamang ang nadadatnan,
habang sina Sister Claire at Pastora Lea kasama na rin si Aling Pammy, abalang-abala sa
pagluluto. Gulat lamang ako at hindi makapaniwala pagkat sinabi ni Sister Claire na magpapalaro raw ako sa
mga panauhin. Pambihira naman itong si Aling
Pammy at sineryoso niya pala ang sinabi na ako raw ang magpapalaro. Ibig ko
sanang tumanggi pagkat hindi nakapaghanda ng ipapalaro subalit magpapasko naman
at ayaw ko naman mapahiya si Aling Pammy,
lalong-lalong ibig kong makapagpasaya kaya pinagbigyan ko na sila.
13B-Y. Habang
hindi pa nagsisimula ang party ay sinamantala ko ang oras sa pag-iisip ng
ipapalaro’t hindi naman naging mahirap pagkat may naisip kaagad. Mabuti na
lamang, marami nang naging karanasan habang kalahok sa mga palaro at iyon ang
ginamit ko. Habang tumatagal ang unti-unting pagdating ng mga imbitadong
panauhin at kasabay ng pagdami namin ang unti-unti ring pamamayani ng
kaingayan. Ilang sandali pa nang dumating na si Mama bitbit si Baby Anya at lalo pang lumigaya pagkat
hindi inakalang darating si Regine
(Miano) kasama ang dalawa nitong anak at si Ate Sheryl. Sa tagal na hindi nagkikita at nakakabisita sa kanila’y
walang ibang ginawa kundi makipagkamustahan at hindi muli sukat akalain na
matagal nang kasapi sa Born-Again
sina Regine.
13B-Z. Di dahil
sa unti-unti nang umaanib ang mga kaibigan sa Born-again kaya gusto na rin tuluyan nang yakapin ito at
ipagpatuloy ang dating nasimulan, kundi dahil nararamdaman na panahon na
marahil, upang tanggapin ang mga commitments na kaakibat nito. Walang masama sa
pagbabago ng relihiyon basta hindi nakakalimutan ang Diyos o tinatalikuran,
iyon ang mahalaga. Bandang Alas-dos nang magsimula ang program na pinangunahan
ni Pastora Lea at nag-lecture muna
ito sa amin patungkol sa salita ng Diyos. Sa dami ng mga batang sabay-sabay na
nag-iingay, hindi na halos marinig ang mga pangaral ng Pastora kaya
nakakawalang gana nang makinig subalit itinuon pa rin ang teynga sa kanya sa
kagustuhang may matutuhan na makakatulong at makakapagpabuti bilang tao.
13C-A. Nang matapos
ang Bible study ay palaro na’t isa ako sa naging kalahok. Kahit anong galing at
ingat pa kung sadyang napakagaling ng kalaban ay wala rin at hindi pinalad na
manalo kaya hindi na nakatungtong pa sa next round, sayang at may matatanggap
ka pa naman na pera o di kaya grocery items. Hindi ko maiwasan ang madismaya ng
mga panahong iyon at iniisip na kung nanalo lamang sana, may pera muling
maipanggagastos sa paghahanap ng trabaho subalit ganoon talaga at may mga
panahong papalarin ka. Matapos ang ilang mga palaro, kainan na’t bigayan ng mga
regalo. Nang makatanggap ang lahat sa amin ay nagkaroon pa ng palabunutan para
sa consolation prize at laking tuwa nang isa ako sa nabunot.
13C-B. Hindi man
napalanunan ang pera, may maiuuwi pa rin ako at sadyang napakabait ng maykapal.
Bago magtapos ang party ay pinapunta pa ko nina Pastora Lea sa harapan upang magpalaro. Sa una’y kinakabahan talaga
ako dulot ng hiya subalit lakas loob pa ring nagsalita at inaliw nang husto ang
sarili sa pagiging instructor. Nagkaroon lamang ng aberya pagkat hindi pwede
ang kanilang sound system, sayang at magpapalaro pa naman ako ng stop dance
kaya nauwi na lamang sa trivia at kung sino ang makasagot ng tama ay
makakatanggap ng regalo. Dahil puro bata ang aking mga contestant ay naging pahirapan
talaga sa akin ang mag-manage subalit kinaya naman hanggang sa mairaos ng
maayos ang palaro.
13C-C. Tinulungan
ko pa sina Sister Claire sa
pagpapamudmod ng mga natirang regalo sa mga bata at mistulang Santa Claus sa harap ng mga batang kita
sa mukha ang pananabik. Bago tuluyang lisanin ang church ay nadagdagan pa ang
iuuwi ko nang may maibigay pa sa amin sina sister at sadyang lumalapit nga
naman ang grasya kaya nag-uumapaw ang pasasalamat. Pagkauwi ng bahay ay
pinagsalo-saluhan ang mga bitbit na pasalubong at isa sa talaga sa araw na ito
na hindi ko malilimutan. Kinagabihan at dahil sa kakasalita habang nag-e-emcee
ay namaos na, sumasakit-sakit na rin ang ulo kaya maagang natulog.
December 21, 2018
Friday
Year VI-355
13C-D. Hindi
naging maganda ang gising ko nitong umaga pagkat sinisipon pa rin at masakit
ang lalamunan subalit naibsan naman ang pananakit ng ulo. Kahit sinisipon kung
malakas-lakas pa naman ay nagawa pa rin tumulong kina Mama sa paglalaba. Kung
kailan nga naman naglalaba ay saka naman kami tinataguan ng araw at
nag-uulan-ulan pa, gumawa na lamang ng paraan upang hindi mabasa ang sinampay.
Matapos ang bayanihang paglalaba, pagsusulat muli ng kwento ang aking
inatupag. Dahil may passes ng ticket na
ibinigay sa amin ang Tita Susan upang makalibre kami sa panunuod ng sine
at sayang naman kung hindi magagamit kaya tinatamad man, pagpatak ng tanghali
ay umalis kami ni Mama. Sa Fairview Terraces namin naisipang gamitin ang
passes at bago manuod, naglibot-libot muna kami. Pagkarating sa may mismong
Cinema, madami-dami nang tao at mahaba na rin ang pila sa bawat counter.
13C-E. Dahil
valid lamang ang passes sa pelikula nina Sharon Cuneta at Richard
Gomez na pinamagatang "Three words to Forever", iyon ang
papanoorin namin at kapansin-pansing walang pumipila, hindi tulad sa ibang
sinehan na kung saan pinapalabas ang Aqua Man at iba pang foreign movies
ay talagang box office ang haba ng pila. Nakakadismaya lamang sa mga Pilipino
sa henerasyong ito pagkat ayon sa naobserbahan ko, kung ano pa ang sariling
atin, hindi masyadong tinitangkilik pero kapag mga banyaga, go na go kahit
makabutas bulsa pa, pagkakagastusan pa rin, makapanuod lamang. Gaya sa mga
bagay na ginamamit at kinakain na mas tinatangkilik pa ang mga imported kaysa
sa native. Ano bang nangyayari sa ating mga Pinoy at tila nawawalan na
ng pagpapahalaga sa bagay na mayroon tayo, sa halip na maipagmalaki ay
ikinahihiya pa. Isa pa iyon sa sakit ng lipunan bukod sa pang-aalipusta kapag
di ka marunong mag-English na kailangang baguhin subalit malabo na
marahil mangyari iyon pagkat malala na. Pagpasok namin sa mismong loob ng
sinehan, manlaki ang mata sa gulat pagkat kaming dalawa pa lamang ni Mama ang
naroroon.
13C-F. Gawa na
hindi pa nagsisimula ang pelikula, inibig munang lumabas subalit piniling
manatili na lamang hanggang sa nadagdagan naman kami. Iyon nga lang panakanaka
talaga't aanim lamang hanggang sa ganap nang nagsimula ang palabas. Sa totoo
lamang, maraming relationship ang nasisira dulot ng hindi pagkakaunawaan sa
bawat isa at hindi pa pagiging tapat na siyang nagiging dahilan ng break-up o
annulment subalit kung mananaig naman ang pag-ibig ay may tiyansa talagang
maibalik muli ang relasyon at maayos ito. Sa bandang huli, pag-ibig pa rin ang
siyang susi sa pagkamit ng panghabang-buhay na relationship o sa madaling sabi
ay magkaroon ng forever at sobrang na-touch ako sa palabas.
13C-G. Matapos
manuod ng Three Words to Forever at dala na nanunuot na ang kagutuman sa
Sikmura, bago umuwi ay kumain muna kami. Sa KFC namin naisipang kumain
at hindi akalaing darating ang pagkakataong magkaka-bonding muli si Mama. Balak
pa sanang mamasyal, kaso maggagabi na kaya pinili na lamang ang umuwi.
Kinagabihan, muntikan nang lumabas sa napakaamo kong bibig ang hindi
kanais-nais na pananalita nang mapanuod sa balita ang isang viral video na kung
saan nananakit ang estudyante sa Ateneo
de Manila sa kapwa nitong estudyante dahil lamang sa hindi sinunod ang
kagustuhan nitong halikan ang kanyang paa maging na tila ibig siyang sambahin
at gusto pa nito ipahalikan maging ang private organs nito.
13C-H. Nakakagigil
ang bawat kaganapan pagkat bukod sa pinagsisipa at padyak nito’y minumura pa at
ipinapamukha na walang laban ang estudyanteng kanyang tinatapak-tapakan dahil
may kasanayan ito sa Taekwondo at
nasa posisyon pa ang pamilya sa nasabing unibersidad. Hindi porket miyembro ng Taekwondo Class ay may gana nang
makapanakit pagkat iniisip nitong walang panama sa kanya at proud pa ito habang
kinukuhaan ng video kung paano niya binu-bully at walang awang inaapak-apakan
ang mga estudyanteng walang laban at ginagawa sa kanya. Kung ipinanganak kang
matalino, gamitin mo ito upang makatulong at paunlarin pa lalo ang sarili,
hindi upang makapanglamang at isahan ang kapwa.
13C-I. Kung
malakas ka at mahusay sa makipaglaban, gamitin ito sa self-defense o
ipagtanggol ang bawat isang nahaharap sa mga taong handang manakit sa kanila,
hindi yung gagamitin mo iyon upang makapanakit at yurak ng kapwa. Sa ipinakita
ng estudyante, talagang hindi katanggap-tanggap at mahirap para sa karamihan
ang patawarin ito lalo na sa taong inagrabyado niya ng husto subalit kailangan
pa rin ng pag-unawa pagkat hindi pa rin natin alam ang tunay na dahilan at
pangyayari. Malas lamang niya at dahil sa paghahangad na sumikat at makilala
siya bilang pinakamalakas na nilalang na kailangang tingalain at katakutan,
sirang-sira na ito sa mata ng mga madla at nakakaawa na nakakainis ang ganung
klaseng tao!
December 22, 2018
Saturday
Year VI-356
13C-J. Inumaga nanaman sa paggising,
matapos mag-almusal ay gawaing bahay muli ang aking inatupag. Maya-maya pa at
bilang pampalipas oras at hindi mabukbok sa kakaupo’y iginugol muli ang sarili
sa pagsusulat ng kwento. Sumunod ay panunuod ng telebisyon ang siyang naging
libangan at mas masidhi pa ang tawa na aking nadarama na halos mapunit na ang
ngala-ngala nang matunghayan muli Miss Q
and A: Special Edition sa Showtime
at bukod sa walang kasawa-sawa’y bigay todo pa ang kanilang pagpapakwela at
nakakapagpapawi ng stress na kinakaharap sa pang-araw-araw. Kahit nga na isa
kang bungal o naglilimahid ang ngima, basta masaya ka’y mapapahalakhak pa rin
na tila huling araw na sa Mundo. Kinahapunan at dahil pansin kong may kahabaan
na ang buhok, labag man sa kalooban pagkat ibig ko talagang magpahaba’y
nagpagupit pa rin.
13C-K. Nagmumukha na kasing gurang kapag
humahaba ang buhok at sabog-sabog ang paglago nito. Inis na inis ako sa sarili
matapos magpagupit pagkat mukhang lalaking-lalaki muli kahit pusong babae at
hanap-hanap ang lalaking-lalaki. Wala pa kong balak umuwi kaya nagtungo muna ng
Recrap. Kina Regine ko muli naisipang magtungo at saktong naroroon ito subalit
may pinagkakaabalahan kaya di ko na ito gaano pa hinunta-hunta pagkat di ibig
na makaisturbo. Kina Ate Bing ko
sunod na nagtungo at nuknukan sa kalikutan ang kanyang mga anak subalit
nakakatuwa naman at nakakapagbigay aliw. Ang saya nga naman kapag may bata sa
bahay pagkat kahit nakakairita ang kanilang kakulitan ay nakapapagbigay aliw at
saya naman sa araw-araw. Sa sipag ko at tikas pa ng biyas, kahit kumagat na ang
gabi’y tuloy pa rin sa paglalakwatsa at kina Angelica naman ako gumawi.
13C-L. Namayani muli ang tuwa sa dibdib
pagkat saktong naroroon ito kasama si Rachid
at isang taong gulang pa lamang nitong anak. Nakakatuwa ang manatili sa kanila
dahil sa kakulitan ng anak nito at kadaldalan na rin ni Angelica, hinding-hindi ka mababagot habang nasa puder kanila. Sa
sarap at dami nga ng aming napagkukwentuhan, parang ayaw ko munang umalis sa
kanila subalit umiiral na ang kagutuman sa Sikmura, nakakahiya naman kung
makikikain sa kanila pagkat naghihikahos sila kaya kinailangan ko nang umuwi.
Pagkauwi ay nadatnang may nagkakasiyahan sa hindi kalayuan sa amin, iyon pala’y
may nagaganap na Christmas Party ng mga kagawad at tamang nuod lamang habang
isinagawa ang ilang programa gaya ng palaro at exchange gift.
13C-M. Sa sobrang ingay dulot ng Christmas
Party ay marindi-rindi na ko subalit hindi naman naiirita pagkat nakakakuha ng
saya habang sumusubaybay ang mata at kay saya nilang pagmasdan kahit naiingit
at ibig na ibig kong makilahok. Bandang Alas-otso nang matapos ang kanilang
Christmas Party at kasabay niyon ang pamamayani ng katahimikan sa kapaligiran
kaya naman maayos nang nakakanuod ng mga paboritong drama sa telebisyon. Nagising
muli ang nahihimbing kong damdamin nang matunghayan ang kwento sa Maala-ala Mo Kaya patungkol sa isang
ina na mayroong Alzheimer Disease at
bukod sa nagiging ulyanin ito gaya ng ating karaniwang inaakala ay hindi rin
nito makilala ang anak na panganay samantalang nakikilala naman ang ibang anak
at ang sakit nga naman sa loob kapag ang mismong ina ay hindi ka makilala o
nakalimutan na.
13C-N. Sadyang naging napakasalimuot ng
naging buhay nila magpapamilya habang may sakit ang kanilang ilaw ng tahanan
subalit naging maayos at masaya naman sa bandang huli, kahit nakakalungkot man
isipin na wala na sa kanila ang pinakamamahal na ina na sobra-sobra ang
pagmamahal na ibinuhos at pag-unawa, sa kabila na may kondisyon ito. Hindi ko
tuloy mapigilan ang maiyak sa palabas pagkat napakamakabuluhan ang takbo ng
kwento at sabi nga nila, makalimot man ang isip, hindi naman kailanman makakalimot
ang puso at pinatunayan iyon ng palabas na aking natunghayan. Kung magkakaroon
man ng Alzheimer Disease o Amnesia, sana yung mga masasakit at
hindi magagandang alaala na lamang ang mabura at manatili ang masasaya habang
sa pagpanaw.
December 23, 2018
Sunday
Year VI-357
13C-O. Dalawang araw bago sumapit ang Pasko
at aakalaing magiging malungkot ang pagsalubong nito dahil maulan panahon.
Naging maulan ang umaga at sa dilim, tila papasikat pa lamang ang
Bukangliwayway at nagluluksa ang papawirin. Katamad tuloy ang bumangon at ibig
na lamang humilata sa maghapon subalit di ako nagpanaig. Sa kabila na walang
patid ang buhos ng ulan ay nagkaroon pa rin ng spark sa linya ng kuryente at
halos mataranta na habang nagliliyab ito. Maigi na lamang at nakatulong pa ang
malakas na ulan kaya hindi naman nauwi sa sunog. Pagpatak ng Alas-nuebe at
kahit may kasungitan ang panahon ay hindi naman nito napigilan ang kagustuhan
kong makadalo sa Thanksgiving mass nina Pastora
Leah doon sa Area C. Saktong nakasabay ko sina Regine (Miano) at pagkarating sa
kanilang bahay sambahan ay saktong nagsimula na ang Worship. Walang ginawa ng
mga oras na iyon kundi umawit, pumalakpak, lumundag at ilabas ang lahat ng
saloobin nang walang pag-aalinlangan habang umiindak at damang-dama mo talaga
kung gaano katindi ang debosyon nila sa Diyos pagkat yung ilan, nakukuha pang
lumuhod na halos mahalikan na ang lupa at may naririnig o nakikita akong
tumatangis.
13C-P. Iba talaga ang paraan ng kanilang
worship pagkat may oras upang magsaya, may oras naman upang tumangis, bilang
paghingi ng tawad at pagsisisi sa lahat ng nagawa. Nang matapos ang worship ang
pagsasalita naman ng kanilang Pastor upang ibahagi ang salita ng Diyos. Matapos
ang bible study ay nagkaroon pa ng healing prayer at lahat ng may karamdaman
pati na rin ang may problema sa buhay, pinapapunta sa harapan. Kahit walang
nararamdaman ay batid ko pa rin na may naninirahang sakit sa katawan at may
kinakaharap pang suliranin kaya tahasan nang nagtungo sa harapan. Habang
kumpol-kumpol kaming nasa harapan ay isa-isang dinasalan ng Pastor at pinahiran
pa ng pakrus na langis sa bawat nuo. Nang madasalan ay lumuhod ako, pumikit at
tumingala, bilang tanda na buong loob na tinatanggap at pinapapasok ang
Panginoon sa aking puso at humingi na rin ng paumanhin sa lahat ng mga nagawang
hindi kalugod-lugod sa mata ng Diyos.
13C-Q. Matapos ang Healing prayer at ilang
anunsyo mula sa Pastor, nagkampo-kampo na kami para sa pagsisimula ng
Thanksgiving Party. Nagkaroon muna ng kainan bago magsimula ang programa at ang
inakalang mismong pamunuan ng bahay sambahan ang magpo-provide ng pagkain para
sa aming lahat ay nagkakamali pagkat kanya-kanya palang dala ng pagkain sa
bawat grupo. Malas lamang dahil hindi nakapagluto sina Sister Claire kaya nga-nga kaming magkakasama na galing sa Taniman. Yung pakiramdam na pila-pila
na sila sa pagkuha ng pagkain at iba’t ibang putahe na ang nailalagak sa
Sikmura, samantalang kami’y nakaupo lamang at pinagmamasdan na lamang sila. Sa
gutom at dala na rin ng inggit ay ibig ko na rin makipila, kaso nangingibabaw
pa rin ang hiya at di ko talaga mapigilan ang madismaya.
13C-R. May nakain naman kami, iyon nga lang
ay Cupcake na ibinigay kina Pastora Leah
at sa tindi ng gutom ay agad-agad itong binanatan. Hindi naging sapat ang
Cupcake lang sa kumakalam na Sikmura at gawa na hindi na matiis ang gutom,
napagpasyahan ko lamang umalis at sa bahay na kumain. Pumayag naman sina Pastora Leah sa naging pasya ko.
Patuloy na bumubuhos ang ulan at sa lakas, kahit nakapayong ay basaan pa rin
nakauwi ng bahay. Sa layo ng nilakad, napagod ako kaya diretso Siyesta matapos kumain subalit hindi
naman makapagpahinga ng maayos gawa na maingay sa labas dulot na may kapit-bahay
na nagdidiwang, wala muling magagawa kundi magtiis. Kinahapunan at kahit
nag-uulan-ulan kung nababagot talaga ng lagay ay naisipan ko pa ring
maglakwatsa.
13C-S. Sa bahay muli nina Angelica ako gumawi at tamang kwentuhan
kami magkumare. Naantala lamang ang aming pag-uusap dahil sa kakulitan ng mga
batang nanunuluyan sa kanila. Habang kahuntahan ang Angelica ay nanghinayang ako sa sinabi ng kanilang kapit-bahay na
kapwa kasamahan ko kanina sa Church pagkat nabunot daw ako sa raffle. Sayang at
di muna dapat ako umalis, may maihahanda na sanang Hamon sa darating na Noche Buena. Manghinayang man ako,
hindi na iyon maibabalik kaya move on na lamang at inisip na may darating pang
bagay na para sa akin. Dahil napasarap ang pananatili sa kanila sa kabila na di
maiwasan ang manghinayang, inabot na ko ng gabi sa pag-uwi.
December 24, 2018
Monday
(Christmas Eve)
Year VI-358
13C-T. Akalain mo nga naman, nasa Bisperas
na ng Pasko at mamayang hating-gabi na gaganapin ang isa sa pinakamahalaga at
malaking okasyon, ang Noche Buena,
kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay na taon-taon ay idinaraos. Umaga na at
maliwanag na rin sa labas subalit tinatamad pang bumangon dahil maulan muli ang
panahon at malamig pa. Mukhang magiging maulan ang darating na Pasko subalit
hindi naman nangangahulugang magiging malungkot ito dahil ang tunay na diwa ng
Pasko ay makikita sa pagmamahalan, pagbibigayan at pagkakapatawaran sa bawat
isa. Kahit maulan o bumagyo pa man, basta kumpleto ang pamilya at nagkakasundo
ay mananatiling maligaya ang Pasko at makabuluhan ang pagdiriwang nito. Saka
lamang ako sinipag sa pagbangon nang sumapit ang Alas-otso at patuloy pa rin
ang pagbuhos ng ulan subalit tuloy na tuloy pa rin sa paghahanda ang karamihan
sa mga kapit-bahay. Kahit anuman ang mangyari, Rain or Shine, Christmas is on
the air pa rin. Gusto ko sanang maglakwatsa at dayuhin ang bahay ng bawat
kamag-anak dala na nababato ng lagay, napipigilan lang ng letseng ulan.
13C-U. Nanood na lamang ako ng Telebisyon
maging ang paggawa ni Mama ng aming panghanda. Nakakatuwa dahil sa kabila na
tila naghihikahos kami, gawa na napunta ang halos lahat ng pera sa pagpapagamot
ni Papa at wala pang kumakayod sa amin ay gaya pa rin ng mga nakaraang taon ang
pagdiriwang ng Pasko na may handa kahit papaano. Kahit nga na walang handa,
basta kumpleto at magkakasundo kami sa isa’t isa ay kuntento na ko at
maituturing pa ring maligaya ang Pasko, lalo na marahil kung maraming
magreregalo sa akin. Kahit anumang bagay ang dumating, maliit man o malaki ay
matuto pa ring magpasalamat. Humupa naman ang ulan bago sumapit ang tanghali at
nagpakita nga ang haring araw at nakakasigla ng loob kapag maaliwalas na
ipagdiriwang ang Pasko.
13C-V. Matapos manuod ng telebisyon at
dahil wala namang gagawin, tumulog na lamang ako. Pagkagising kinahapunan,
nanatili pa ring abala si Mama sa pagluluto ng mga panghanda sa Noche Buena. Ibig ko sana siyang
tulungan, kaso hindi alam kung paano at saan magsisimula, lalo na’t hindi naman
ako sanay sa kanyang mga ginagawa, hanggang nuod na lamang muna ako. Pagsapit
ng gabi ang pagsisimula ng kaliwa’t kanang pagsasaya at dahil huling gabi na ng
pangangaroling, bawal na ang magsabi ng “Patawad” at baka hindi maging bwenas
ang buhay pagkat magtatampo ang grasya. Saktong hindi na umuulan at sumisilip
pa nga ang buwan kaya naging magandang pagkakataon upang maglakwatsa.
13C-W. Kina Ate Bing ko naisipang dumayo at nadatnang may mga kasama ito na
abalang-abala sa pag-aayos at pagbibihis. Mangangaroling pala sila ngayong gabi
at biglang nagkabuhay ang loob nang ayain nila ako. Sa kagustuhang makalikom ng
pera pagkat kailangan na kailangan, kahit nakakahiya dahil para lamang iyon sa
mga bata ay hindi na ko nagdalawang isip pang sumama sa kanila. Nang masigurong
makumpleto na’y lumarga na kami at inisa-isa ang mga kabahayan. Para maiba
naman at hindi nakakasawa, nilagyan namin ng kaunting twist ang pangangaroling
at iyon ay ang pagsayaw. Kahit batid ko na parehas kaliwa ang paa, alang-alang
sa Aguinaldong matatanggap ay lakas loob pa ring sumayaw habang umaawit ang mga
kasamahan at mistulan na ngang Agogo
Dancer sa pinaggagawa.
13C-X. Tinatablan man ng kahihiyan sa
ginagawa ay patuloy pa rin sa pag-indayog pagkat naniniwala ako na kapag
makapal ang mukha, makapal din ang bulsa. Nakatulong naman ang pagsayaw-sayaw
ko pagkat tiba-tiba sa mga unang minuto naming pangangaroling at nang
mangaroling sa isang bahay, nairita lamang pagkat ang dami nilang alam at
nakukuha pang mag-request. Hindi naman namin alam kantahin ang song na kanyang
nire-request kaya nakiusap na lamang subalit sadya itong mapilit at nilait-lait
pa kami, napakawalang hiya! Nayaymot man na tipong ibig na ngang murahin ay
idinaan pa rin sa matinong usapan hanggang sa napagpasyahang umalis na lamang
pagkat ang hirap nilang kausapin, napakaramot at hindi man lang magbigay kahit
singkong duling!
13C-Y. Mauunawaan pa sana namin kung
kabilang sila sa mga relihiyon na hindi nagdiriwang ng Pasko o hindi kaya
magsabi na lamang ng patawad kung di ibig ang magbigay, ang kaso hindi’t may
narinig pa kami sa kanila. Sa totoo lamang, may mga tao talagang sadyang
mararamot at walang konsiderasyon! Marami pa namang mga bahay kaming pupuntahan
kaya di sila malaking kawalan at kapalaran na ang bahala sa kanila! Sa kakanta
at sayaw, mamaos-maos na ko subalit tuloy pa rin sa pangangaroling. Kabanas
lamang pagkat panay ang pagtulo ng aking uhog, kaya sa tuwing napapadaan sa mga
madidilim na eskinita’y humihiwalay sa kanila upang suminga. Marami mang bagay
ang humahadlang, basta gusto mo, gagawin pa rin. Bandang Alas-nuebe nang
matapos kami sa pangangaroling at pagkabalik ng Recrap, kahit magpapasko ay may nadatnan pa ring nag-aaway.
13C-Z. Bukod sa palitan ng naglalagablab na
salita ay halos magpatayan na nga sila at ayaw paawat sa isa’t isa kahit marami
na ang umaawat. Magbibilang na sana kami subalit naantala dahil inawat pa ni Ate Sheryl ang isa sa mga taong sangkot
sa matinding hidwaan, nasa kanya pa naman lahat ng perang nalikom mula sa
pangangaroling. Nang mahimasmasan ang bawat isa sa kanila ay saka lamang
sinimulan ang pagbibilang at nag-uumapaw ang galak sa dibdib dahil umabot ng
kulang-kulang isang libo lang naman ang natanggap ng Aguinaldo at tig-iisang daan kami. Umuwi akong nag-uumapaw ang
kaligayahan dahil madadagdagan muli ang laman ng pitaka. Eksakto Alas-dyis na
pala ng gabi, dalawang oras bago sumapit ang Pasko, wala nang ginawa kundi
lumamon at magpakabusog sa samu’t saring pagkaing maghapong pinagkaabalahan
nina Mama. Namumugto na ang mata sa kaantukan subalit pinili pa ring hintayin
ang Pasko kaysa sa ihimlay na ang sarili.
December 25, 2018
Tuesday
(Christmas Day)
Year VI-359
13D-A. Araw ng kapanganakan ng ating
tagapagligtas. Kung ang ating panginoon na siyang ginagalang at sinasamba, sa
Sabsaban lamang ipinanganak, tayo pa kayang mga tao lamang na hindi hamak na
maliit sa kanya kaya huwag ikahiya kung saan ka man ipinanganak, huwag din
maging mapagmataas at palalo sa kapwa dahil ang Diyos, nakukuhang magpakumbaba
nung siya pa mismo ang naghugas sa paa ng kanyang mga alagad, dapat tayo
rin. Sumapit na ang Alas-dose ng
hating-gabi na dapat sana’y himbing na sa pagtulog ang bawat isa subalit
damang-dama at tuloy na tuloy pa rin ang kaligayahan dahil Pasko, oras na rin
upang idaos ang Noche Buena na
magkakasama subalit hindi na nagawa pa pagkat mga busog na. Sinadya ko talagang
hintayin muna ang pagsapit ng Pasko at sa tuluyang pagsapit nito ay saka lamang
napagpasyahang matulog. Dala ng matinding pagod na tinamo kagabi, tinanghali na
ko sa paggising.
13D-B. Dahil espesyal ang araw na ito,
walang ibang maramdaman kundi siksik, liglig at umaapaw na ligaya sa aking
pagbangon. Pagkadungaw sa may bintana ay mga bihis na bata na akay-akay ng
kanya-kanyang magulang agad ang bumungad upang mamasko sa mga Ninang at Ninong.
Saktong hindi gaya ng kahapon ang lagay ng panahon pagkat maaliwalas at tila
nakikisaya rin ang araw kaya naman mistulang pook pasyalan ang aming lugar sa
dami ng mga namamasko at kalat na kalat ang mga tao. Ilang sandali pa at habang
sarap na sarap sa paglamon ng mga panghanda ang pagdating ng mga maliliit kong
pinsan mula sa Taas, as usual ay siyempre mamasko muli sila. Sa hirap ng buhay,
tigbi-bente lamang ang naibigay namin sa kanila at pagkain.
13D-C. Kaagad naman silang umalis nang
makapamasko at sumama sa kanila patungo kina Auntie Andrea. Pagkatungtong ay saktong naroroon naman ang Auntie Andrea maging si Auntie Cleng. Himbing pa sa pagtulog
sina Ate Bulehn kaya si Auntie Andrea
lamang ang nakahuntahan ko at marami talagang bagay ang matutuhan sa kanya
kapag ito’y kausap. Sayang nga lang pagkat wala ang Tito Allan, nagbibigay pa naman iyon ng pera kahit hindi naman ako
namamasko sa kanya, lalong-lalong hindi Ninong subalit ayos lamang dahil sa
edad kong ito’y ako na marahil ang magbabahagi ng pamasko sa kanila, hindi nga
lang magawa pagkat wala pang kakayahan. Maya-maya pa ay nagpaalam na ko sa
kanila at habang naglalakad pauwi ay saktong nakasalubong si Sister Claire.
13D-D. Inaya niya ko na sumama sa pagtungo
nito sa bahay nina Pastora Leah. Sa
una ay medyo nag-aalangan pagkat hindi pa nakakabihis at baka mamaya niyan ay
mapahiya pa dahil sa suot subalit nang mapaliwanagan ay sumama na ko. Saktong
naroroon sina Aling Pammy kasama ang
mga anak nito at iba pang kaanak ni Pastora
Leah pagkatungtong namin sa kanilang bahay na masayang nagsasalo-salo sa
mga handa. Nahihiya man dahil Pasko naman at sa pagpupumilit nina Sister Claire ay nakikain na ko, kahit
busog pa. Madaming nakahaing pagkain sina Pastora
Leah subalit sa sobrang kabusugan, hindi lahat ay natikman, sayang at
mukhang malinamnam at masasarap pa naman.
13D-E. Matapos ang kanya-kanyang kainan ay
nagpalitan na sila ng regalo sa isa’t isa at nagpamudmod na ng regalo si Pastora Leah sa kanila. Kahit hindi
nakatanggap ay masaya pa rin dahil ipinaramdam nila sa akin na welcome ako at
tanggap bilang kapamilya, kahit kamakailan lamang nila ako nakilala, iyon ang
mahalaga. Bandang tanghali nang makauwi ako’t saktong sina Papa at Kuya Al na lamang ang nadatnan ko. Dahil
hindi masama ang timpla ko at medyo namamaos, inihinto ko muna ang
paglalakwatsa at nagpahinga. Kinahapunan nang umigi-igi ang aking pakiramdam.
Wala pa ring pinagbago sa lugar namin pagkat kahit Pasko, may nag-aaway pa rin at
grabe pa kung mag-away dahil nakukuha pang mag-eskandalo, di na nahiya at wala
na ring respeto sa mga sarili.
13D-F. Kung may samaan ng loob o hindi
pagkakaunawaan ay palipasin muna pagkat isang araw lamang ang Pasko. Ang pangit
lamang kasi at nakakalungkot na may nakikita kang nag-aaway na tila dinaig pa
ang nagsasabong na manok kapag Pasko o may mahalagang okasyon. Gawa na
nababagot ng lagay, tamang lakwatsa muli ako. Kina Angelica sana ako bibisita, para na rin makikain pagkat
makapal-kapal ang aking mukha tuwing Pasko, kaso wala ang mga ito kaya kina Ate Bing na lamang ako nagtungo. Sa
totoo lamang, kahit hikahos kami sa buhay at hindi na gaya nitong mga nakaraang
taon ang Pasko, mapalad pa rin dahil hindi kami gaya nina Ate Bing na walang handa at nagtatiyaga na lamang sila sa lutong
Longganisa. Wala man silang handa, may dapat pa rin akong kainggitan dahil
nagkakasundo naman sila at masaya. Kung sino pa nga yung mahihirap o wala na
halos makain, sila pa ang nagkakasundo at masusumpungan ang saya dahil maligaya
pa rin sila kahit anuman ang mangyari, kapag mayayaman naman, karamihan sa
kanila’y palaging malungkot at marahil ay tama ang sabi-sabing prone sila sa
Depression.
13D-G. Saktong naghihingalo na ang liwanag
nang dumating sina Mama bitbit ang samu’t saring mga pagkain kaya kahit patapos
na ang Pasko ay madami pang nakahaing pagkain at tuloy-tuloy lamang sa
paglantak kahit halos pumutok na ang Tiyan sa kabusugan. Bandang gabi nang
bumalik ako kina Ate Bing pagkat
Mangangaroling muli kami. Hindi lamang kami kaagad makapagsimula pagkat hirap
hagilapin ang iba pang makakasama at panay pa ang paglalasing ni Ate Sheryl na tipong hirap awatin.
Panay na ang pangungumbinsi na sumama sa amin, kaso sa dami ng nainom nito’y
mukhang mahihirapan kami.
13D-H. Gabi na subalit patuloy pa rin sa
pagsasaya ang mga taga-Recrap at
panay pa ang lagok ng alak. Pasko pa lamang ay mistulan na ngang sinasalubong
ang Bagong Taon dahil marami na rin ang nagpapaputok ng kwitis at ang saya.
Tila malabo nang matutuloy ang aming pangangaroling pagkat lasing na lasing na
si Ate Sheryl at kulang-kulang pa
kami kaya napagpasyahang umuwi na lamang. Tila napakahaba ng araw na ito sa
akin at sa pagod, kahit mababaw pa lamang ang gabi ay ninanais nang matulog,
hindi naman makatulog dala na napakaingay ng mga nagsusugal. Wala ibang ginawa
kundi magtiyaga at gumawa ng paraan para makatulog. Ang bilis nga naman ng oras
at hindi akalaing matatapos nanaman ang Pasko.
December 26, 2018
Wednesday
Year VI-360
Wednesday
Year VI-360
13D-I. Natapos man ang Pasko ay hindi pa
rin natatapos ang saya ng mga sambayanang Pilipino
dahil sasalubungin naman ang paparating na Bagong Taon. Hindi naging maganda
ang gising ko ngayong umaga pagkat sinisipon at nahihirapan pang magsalita
dulot ng pamamalat. Sa sama ng pakiramdam ko, parang lalagnatin subalit hindi
nagpahalata pagkat ayaw ko nang makadagdag pa sa pag-aalala ni Papa at mga
gastusin. Medyo kaya-kaya pa naman ng aking katawan kaya nakuhang gampanan ang
gawaing bahay at nagwalis-walis at punas. Hindi ako gaanong nagpakapagod sa
takot na mauwi sa pagkakasakit at mahirap na, baka magdildil na lamang kami ng
asin sa araw-araw. Nang malinisan ang kaloob-looban ng aming mumunti ngunit
masiyahing balor, pagsusulat ng kwento ang aking pinagkaabalahan.
13D-J. Maya-maya pa, naisipan kong gawing
pampalipas oras ang panunuod ng Telebisyon. Isa pa talaga sa problema ng mga Pilipino ang kakulangan ng disiplina,
paano taon-taon na lamang sa tuwing matatapos ang Pasko, gabundok na mga basura
at kalat ang tatambad sa mga pook pasyalan na kung saan-saan pa nakahambalang. Kahit
sabihing may tagalinis naman kaya ayos lamang na magkalat, kahit saan pa’y hindi
tamang palaging iasa sa kanila ang mga kalat at matuto naman dapat sana na
itapon sa tamang tapunan. Ang problema kasi sa atin, iniisip na porket na may
taga-gampan ng responsibilidad na dapat ay tayo ang gumagampan ay hindi na
mangingiming magkusa at iaasa na lamang.
13D-K. Kaya isa pa sa dahilan kung bakit
hindi umaasenso nang husto ang ating bansa dahil karamihan sa atin ay hindi pa
marunong tumayo sa sariling paa at parating iaasa sa iba lalong-lalo na sa
pangulo. Medyo sumasama na ang pakiramdam kaya minabuting magpahinga na’t huwag
nang magpakasawa pa sa panunuod ng Telebisyon. Kinahapunan at dala na tila
namamaga ang Lalamunan sa sakit at hindi na halos makapagsalita dulot ng pagkapaos,
kahit masama ang timpla’y tumungo pa rin ako sa Taas upang bumili ng Strepsils. Saktong nag-uulan-ulan pa’t
bahala na sa kung anuman ang kahihinatnan. Maging sa gabi ay patuloy kong
nararanasan ang masakit na Lalamunan at masamang pakiramdam, bumibigat na rin
ang ulo kaya hindi na nagpakapuyat pa. Yung pakiramdam na kung kailan
magbabagong-taon na, saka naman sumasama ang aking lagay subalit naniniwala at
umaasa pa rin na magiging maganda ang buhay sa darating na taon.
December 27, 2018
Thursday
Year VI-361
13D-L. Medyo namamaos pa rin ng lagay at
sinisipon pa subalit hindi na kasing sama ng kahapon ang aking pakiramdam kaya
maganda pa rin ang dating ng umaga sa aking pagbangon. Pagkaalmusal, diretso
gawaing bahay ako. Kahit sinisipon at binabahing pa nga’y walang dahilan upang
tumigil sa pagwawalis, kahit paminsan-minsan ay nakakalanghap na ng alikabok.
Gaya lamang ng pag-abot ng pangarap na kahit anong mangyari, gaanoman kahirap
ay aabutin mo pa rin dahil iba talaga ang nagagawa kapag gusto mo at
sinasapuso. Matapos ang gawaing bahay, nagpahinga muna ako at nagpahangin sa
labas. Habang mag-isang nagpapahangin sa labas at nakatingin pa sa kawalan ay
biglang sumiklab muli ang hidwaan sa pagitan namin ng ate dahil sa pagbibiro ko
kay Mama nang bigyan nito ng pamasko ang kanyang inaanak.
13D-M. Sa kanyang mga sinasabi ay para bang
napakalaki ng nagawa kong pagkakasala kay Mama, napakaeksaherada samantalang
mas malala pa nga ang sinabi nito sa akin, sa harapan pa mismo ng mga
kamag-anak namin, tapos makapagsalita akala’y napakalinis niya kaya hindi
maiwasan ang mayamot. Dala na hindi ko na matanggap ang mga sinasabi nito,
hindi na mapigilan ang makipagsagutan sa kanya. Humupa naman kaagad ang hidwaan
naming magkapatid subalit panandalian lamang iyon pagkat nang magparinig ito sa
akin, muling nagising ang yamot sa dibdib at nagawa pa ring magparinig. Sarap
patulan ang mga taong walang ginawa kundi tingnan ka ng masama at husgahan.
Ayaw ko naman magpang-abot kami kaya lumabas na lamang at doon ibinuhos lahat
ng hinanakit.
13D-N. Bakit ganon, kahit magpakabuti at
bait ako, hindi pa rin nagbabago ang tingin nila sa akin. Minsan na nga lang
ako magbiro subalit sa halip na matawa sila, nasasaktan pa, samantalang
pinag-iisipan muna ang sasabihin bago magbitaw, ano ba kayang problema nila sa
akin? Nakaka-guilty lamang dahil nadadamay pa si Papa sa pag-aaway namin ni ate
at nakakadagdag pa sa kanyang stress. Todo hingi ako ng paumanhin kay Papa nang
humupa ang hinanakit sa dibdib. Hanggang kailan kaya ganito, yung tipong may
lamat sa relasyon namin magkapatid? Sa totoo lamang, hindi ko mawari kung
malayo ang loob namin sa isa’t isa, marahil ay may ugali itong hindi ko lubos
maibigan. Kinahapunan at dahil hindi naman makagala-gala gawa na sumasama muli
ang pakiramdam, panunuod na lamang ng telebisyon ang naging pampalipas oras. Kinagabihan
at dahil hindi pa makatulog gawa na maingay sa labas dulot ng mga nagsusugal sa
burol, nilibang muna ang sarili sa pagpe-Facebook
at Youtube. Inabot na ng hating-gabi
nang tamaan ako ng kaantukan.
December 28, 2018
Friday
Year VI-362
Friday
Year VI-362
13D-O. Hindi naging maganda ang gising
ngayong umaga pagkat gaya nitong mga nakalipas na araw ay muling inaatake ng
sipon. Sinisipon man ay hindi naman nito napigil ang aking mga balakin sa araw
na ito at nakapagsulat pa rin ng kwento. Dahil sinamahan ni ate si Papa sa Court of Appeals upang asikasuhin ang
kanyang retirement fee, nadagdagan ang aking gawain pagkat kailangang tulungan
si Mama sa pag-aalaga kay Baby Anya.
Pagkabilis-bilis nga talaga ng panahon pagkat habang pinagmamasdan ang aking
pamangkin, parang kailan lamang nang tangan-tangan pa siya ng ina anumang oras
at ingat na ingat sa bawat paghawak at baka mabalian, madalas din itong
pinapasuso at pinapaarawan pa nga sa tuwing sasapit ang umaga, pero ngayong
walong buwang gulang na siya, may kakayahan nang makapaglakad kung may andador
na susuporta sa kanya, may kakayahan na rin makapagbigkas-bigkas ng kung
ano-ano kahit hindi naman maunawaan at higit sa lahat, may kakulitan na rin
ito, kung ano-ano pa ngang mga bagay ang kanyang hinahawakan at saan-saan pa
nagtutungo na tila nag-e-explore.
13D-P. Habang pinagmamasdan ang batang si Anya na wala pang muwang sa bawat
pangyayari ngunit may kalikutan na, napapaisip kung ganyan din ba ang aking
nagagawa nung kagaya pa lamang niya, malikot at saan-saan lumilipa. Kamusta
kaya sina Mama habang wala pa kong isip, natutuwa kaya sila o nayayamot?
Ano-ano kaya ang mga nagagawa at ginawa ko nung sanggol pa lamang? Mga bagay na
naglalaro sa aking isipan at kay sarap marahil ang mabuhay kapag isa ka pa
lamang na sanggol dahil walang masasayang ni katiting na oras sa pag-aalaga
sa’yo at bantay-sarado ka talaga subalit mahirap din dahil lahat ng ibig gawin,
hindi magagawa pagkat napakalimitado lamang ng kakayahan at masyado ka pang
pinaghihigpitan ng magulang dahil lang naman sa matinding pagmamahal.
13D-Q. Kahit abala sa pagsusulat ng kwento
ay nagawa pa ring isantabi, matulungin lamang si Mama sa pag-aalaga at
makipaglaro na rin kay Anya. Mga
bandang hapon nang dumating sina Papa at ate at magandang balita ang pasalubong
nila sa amin pagkat kahit hindi pa nito nakukuha ang pera mula sa retirement
fee ay may natanggap muli itong pera mula naman sa Social Security Service, kaya naman may dala silang pasalubong at
masayang pinagsalo-saluhan. Nagpapasalamat talaga ako pagkat hindi pa rin
hinayaan ng Diyos na maghikahos kami ng husto, sa kabila na wala pa kong
trabaho at kinailangan pang bitawan ng ate ang kanyang trabaho alang-alang sa
mumunti naming prinsesa. Sa sobrang dami ng kinain, halos mabundat nang husto
at hindi na marahil makakapaghapunan pa. Maganda man ang natamo naming balita,
hindi naman maganda para sa lahat pagkat kung kailan malapit nang sumapit ang
Bagong Taon, saka naman may paparating na bagyo at nagbabanta nang manalasa sa Kabisayaan. Dahil sa Bagyong Usman na humabol pa bago
tuluyang magtapos ang taon, naging maulan ang gabi, sarap tuloy ang
matulog.
December 29, 2018
Saturday
Year VI-363
Saturday
Year VI-363
13D-R. Dahil sa Bagyong Usman na kasalukuyang nananalasa sa Kabisayaan at maging sa Kabikulan,
bukod sa maulan ay naging napakalamig din ng umaga. Sa lamig na tipong
nagyeyelo, nahirapan ako sa pagbangon at sarap ibalot ang buong sarili sa
makapal na kumot. Buong umaga ay naging napakasungit ng panahon at bukod sa
walang patid ang buhos ng ulan ay pabugso-bugso rin ang ihip ng hangin kaya
aakalain mong dumadaan sa Kalakhang Maynila
ang bagyo kahit Hanging Amihan
lamang. Dalangin na kahit maraming dalang ulan ang bagyo sa kabila na hindi
naman kalakasan ay hindi sana ito magdulot ng mga pinsala. Napakalamig talaga
ng panahon kaya nakakatamad ang maligo at gusto’y matulog na lamang sa
maghapon.
13D-S. Maging sa tanghali’y tuloy-tuloy ang
mabagyong panahon subalit nagpapasalamat pa rin dahil hindi naman kalakasan ang
hangin at bukod pa roon, humina na ang bagyo at isa na lamang ganap na Low Pressure Area. Dahil hindi naman
makalabas ng bahay dulot na nagtataray ang panahon, buong pamilya kaming
nakahilata lamang at natutulog. Kinahapunan at sa kabila na nag-uulan-ulan ay
bumisita pa rin ang aming kamag-anak at pinsan ko na si James (Gallardo). Para malibang at hindi naman mabagot, kahit
tahimik lamang ito’t hindi pa palakibo ay tamang entertain lamang sa kanya at
usap-usap ng kung-ano-ano.
13D-T. Maya-maya pa at dahil humupa na ang
ulan, naisipan kong ipasyal si James
sa iba pa naming kaanak. Kina Tita
Arlene namin naisipang magtungo at saktong naroroon naman ito na
abalang-abala sa pagbibihis. Nandoon rin ang pinsan ko na sina Jaypee at Gio maging si Auntie Bagting
at tamang kwentuhan lamang kami magkakamag-anak. Habang tumatagal ang
pananatili sa kanila ay sumasaya at sarap ang aming usapan hanggang ito si Auntie Bagting, bigla akong inudyok na
uminom ng alak. Hindi ko ugali ang uminom kaya panay ang tanggi ko sa kanila
subalit panay ang kanilang pagpupumilit at sinabihang hindi raw tunay na
lalaki.
13D-U. Batid ko naman sa sarili na isang
binabae at tanggap na iyon subalit ang problema, hindi nila alam ang tunay kong
kasarian at natatakot na baka magbago ang pakikitungo nila sa akin oras na
malaman kaya hindi magawang makapagtapat, bagkus ay sinasakyan na lamang ang
kanilang mga patutsada hanggang sa napasubo na nga. Hindi ko talaga tipo ang
lasa ng alak kaya kahit isang baso lamang, hindi magawang maubos at nasasamid
subalit itong si James, ang lakas
makalagok ng alak at hindi man lang malasing-lasing kahit nakakadalawang bote
na ng alak, tibay din ng katawan, samantalang ako’y nasusuka na habang
pinipilit ubusin ang isang basong alak. Hindi ko akalain na palainom pala ang
mga kamag-anak ni Mama pagkat maging si Auntie
Bagting at dalawa ko pang pinsan ay halatang sanay na sanay na sa alak.
13D-V. Sige pa rin sa pagtagay si James lalo nang dumating si Uncle Boy at bukod sa Alcoholic itong
si James, ang lakas din nitong
makasigarilyo at halos maliyo na nga dahil sa walang pakundangan nitong
hithit-buga. Naiinis lamang ako sa kanya pagkat masyadong mabisyo at hindi rin
marunong makiramdam pagkat Alas-nuebe na ng gabi, panay pa rin ang inom. Balak
ko na sana siyang iwan kina Tita Arlene
pagkat kanina pa uwing-uwi, kaso kargo ko ito at kasalanan pa kung sakaling may
mangyaring hindi maganda sa kanya kaya hinintay ko na lamang sila matapos sa
pagtagay.
13D-W. Kung ganyan at ganyan lamang ang
kanyang gagawin, ang maglasing at manigarilyo, maigi na lamang ay huwag na
siyang makagawi sa amin dahil ayaw na ayaw ko sa mga taong bukod sa mabisyo,
hindi pa marunong makiramdam! Malapit nang sumapit ang Alas-dyis nang
mapagpasyahan na ni James na umalis
at dala ng sobrang kalasingan nito, kung ano-ano na ang nasasambit at
pasuray-suray na nga kung maglakad kaya nagpresinta na si Uncle Boy na samahan kami sa pag-uwi. Sa pagod at lamig pa ng
panahon, diretso hilata ako sa kama. Hindi naman makatulog pagkat sinisipon
nanaman.
December 30, 2018
Sunday
(Rizal Day)
Year VI-364
13D-X. Ngayong araw ginugunita ang
kamatayan ng ating pambansang bayani na si Jose
Rizal at hindi nga matatawaran ang kabayanihang ipinakita niya, mapalaya
lamang tayo mula sa mga mananakop na Kastila
at handang lumaban, kahit buhay pa ang naging kapalit niya. Alam naman natin na
mahirap ang maging kagaya ni Jose Rizal
subalit sana taglayin pa rin kung anumang katangian ang mayroon siya, ang
pagiging matapang at handang ipagtanggol ang sariling bayan subalit hindi
nangangahulugan na kailangan mong magbuwis ng buhay, maipagtanggol lamang ang
mga kababayan dahil maraming paraan. Bandang Alas-kwatro ng umaga ako nagising.
Patuloy pa ring sinisipon at sa sama ng timpla, pakiwaring lalagnatin.
Magbabagong-taon pa naman at hindi ibig na salubungin ito na nakaratay lamang
sa higaan kaya gumawa ako ng paraan para hindi lagnatin. Masyado pang maaga
kaya pagkaalmusal at inom ng Neozep
at Paracetamol, nagpahinga muna ako.
Pagkagising ay bahagyang bumuti-buti ang aking pakiramdam kahit nanatiling
sinisipon.
13D-Y. Dahil wala naman ibang gagawin sa
bahay, napagpasyahan kong dumalo sa Sunday Mass nina Pastora Leah. Tumungo muna ako sa Recrap pagkat batid kong nagsisimba rin doon si Regine at upang may makasabay ako
subalit hindi naman maaya pagkat abala ito sa paglalabandera. Biglang naghari
ang tuwa sa dibdib nang makitang naroroon sina Annie at Gelyn. Nanatili
muna ako sa kanila at nakipagkwentuhan. Sa sarap kakwentuhan nilang
magkakapatid, hindi namamalayang tumatagal na sa kanila at nakaligtaang may
lakad pa pala ako. Pagkarating sa bahay-sambahan, saktong nagsimula na ang
worship. Nakakalungkot lamang dahil wala sina Sister Claire at Aling Pammy
at si Pastora Leah lamang ang
naroroon. Tuloy pa rin ang pag-awit at kasiyahan kahit marami ang wala sa amin
at pagkatapos ay nagkaroon muna ng Testimony.
13D-Z. Isa sa nagbigay ng testimonya si Pastora Leah at nakaka-inspired dahil
sa kabila na lubhang napakabigat ng kanyang pinagdaanan, hindi ito sumuko at
ipinagpatuloy lamang ang pananalig sa Diyos hanggang sa nalampasan niya ang mga
pagsubok nang may katagumpayan. Nakakabilib talaga ang katatagang ibinahagi
niya sa amin at sana maging gaya ko siya na hindi basta-basta nawawalan ng
pag-asa, kahit puro kabiguan na ang dumarating sa buhay. May ilan pa sa amin
ang nagbigay ng testimonya at ilang sandali pa nang ganap na magsimula ang
bible study. Nagkaroon pa ng ilang kaganapan bago magtapos ang Sunday mass at
sa totoo lamang, ngayon lamang ako nakapunta sa Christian Church na may mga kapatiran na ipagdadasal ka at iyon ay
kanya-kanya. Matapos ang Sunday Mass at sa halip na umuwi ay tumungo pa ko ng Ever Gotesco Mall upang bumili ng
inhaler at lobo na gagamitin sa pagsalubong sa Bagong Taon.
13E-A. Naging maulan ang panahon kaya kahit
may baong payong ay hindi pa rin maiwasan ang mabasa habang naglalakad,
sinisipon pa man din. Nakabili naman ako kaagad ng inhaler, hindi nang lobong
lumilipad at ang hirap makahanap ng ganung klase. Lumalakas na ang ulan at sa
takot na lumala ang aking kondisyon, napagpasyahan nang umuwi. Kinahapunan at
nang tumila na ang ulan, naisipan ko muling bumisita sa bahay nina Regine. Tamang kwentuhan at lokohan
muli kami ni Annie at laughtrip kami
ng mga oras na iyon. Sa sayang kakwentuhan ni Annie, nawawalan na ng hiya at nagiging madaldal na rin. Inabot na
ko ng gabi sa kanila at saktong maghahapunan na rin sila kaya napagpasyahang
umalis na. Diretso kaagad ang mata sa pagtutok ng Telebisyon at matutulog kapag
dadapuan na ng antok.
December 31, 2018
Monday
(New Year’s Eve)
Year VI-365
13E-B. Sa wakas, Bisperas na ng Bagong Taon
at nasa huling araw na pala ng 2018. Tila hindi magiging masaya ang pagsalubong
sa Bagong Taon pagkat maulan at tila nagluluksa ang kalangitan sa dilim. Sarap
nga naman ang matulog pagkat bukod sa nag-uulan-ulan ay may kalamigan din ang
panahon subalit kailangan nang bumangon pagkat marami pang dapat asikasuhin at
balakin ngayong huling hirit na ng taon. Tila nag-iba na nga ang paraan ng
pagsalubong ng Bagong Taon pagkat hindi gaya nitong mga nakaraang taon, umaga
pa lamang ay may maririnig ka ng mga mangilan-ngilang putok, mapalupa man o
kalawakan at nakakarindi na rin ang busina ng mga torotot, subalit hanggang sa
mga oras na ito ay napakakalmado ng kapaligiran at walang ni isang putok ang
mauulinig, tila nga hindi sasapit ang Bagong Taon at ordinaryo lamang ang araw.
Wala man halos patid ang pag-ulan, hindi pa rin nito napigilan ang mga
kapit-bahay na maghanda-handa at yung ilan pa nga’y nakabarikada na ang mga
Sound System at Videooke para sa magdamagang kasiyahan.
13E-C. Umulan man o umaraw, tuloy pa rin
nga ang selebrasyon ng papasok na taon, kahit inaasahang kakaunti na lamang ang
paputok at mga magpapaputok dahil sa patuloy na kampanya ng gobyerno sa
pagbabawal ng paggamit ng paputok. Kung ikukumpara’y mas masaya pa nga nitong
mga nakalipas na taon dahil marami ang paputok subalit maigi na rin iyon kaysa
naman marami ang mapahamak nandahil sa paggamit ng paputok. Marahil ay dumating
na ang panahon na kung kailan safe na safe ang magiging pagsalubong sa Bagong
Taon pagkat karamihan sa mga kapit-bahay namin na kilalang nagpapaputok
taon-taon gaya ng mga bata, Torotot na lamang ang ginagamit at wala na rin yung
mga malalakas na boga.
13E-D. Gayunpaman ang mangyari, umaasa
talaga akong magiging bwenas at kalugod-lugod pa rin ang pagpasok ng 2019.
Kahit umuulan at sinisipon pa ay naisipan ko pa ring maglaba. Naantala lamang
ang aking paglalaba dahil sa pagpipigil ni ama na halatang concern sa
kahihinatnan ng aking kalusugan. Ayaw ko naman makadagdag pa sa konsumisyon ni
Papa at baka nga salubungin ang New Year na inaapoy ng lagnat kays hinintay ko
munang tumila ang ulan. Nang bahagyang bumuti ang panahon ay saka pa lamang
ipinagpatuloy ang paglalaba. Ang kaninang kapaligiran na halos mabingi ka na
nga sa katahimikan, tila hangin na biglang nagbago ang ihip pagkat umingay na
dulot ng mga tugtog pagsapit ng tanghali, hindi na halos kami magkarinigan at
hindi rin ako makatulog ng maayos.
13E-E. Dahil may balak akong gawin sa
pagsalubong sa Bagong Taon, kahit bumubuhos nanaman ang ulan ay umalis pa rin
ako, hindi upang bumili ng mga paputok o di kaya torotot, kundi bumili ng lobo
na papaliparin dahil sa paniniwalang magkakatotoo ang lahat ng iyong kahilingan
oras na mag-wish ka habang pinapalipad ang lobo pagsapit ng Alas-dose at
gustong-gusto kong gawin ang ganung ritwal pagkat nagbabakasaling gumanda ang
buhay at palarin sa darating na taon. Sinubukan ko sa Ever Gotesco Mall, subalit karamihan sa mga mabibiling Balloon ay
puro pang-Birthday lamang at wala yung para sa New Year. Sa hirap makabili ng
ganung klaseng lobo, napapaisip na kung itutuloy pa ba ang balak subalit nanaig
pa rin ang pagiging pursigido ko at nagawa pang magtungo ng SM Fairview.
13E-F. Maging doon ay bigo akong makabili
ng Flying Balloon kaya napagpasyahang huwag nang ituloy ang balak at napagtanto
na papalarin pa rin naman kahit hindi iyon gawin, basta ipagpasadiyos lamang
ang lahat ng iyong kahilingan sa buhay at magsumikap. Para sa akin, tanging
Diyos lamang ang Lucky Charm, hindi sa kung ano-anumang mga materyales na
kailangan isabit o isuot. Bandang Alas-singko nang makauwi ako’t gaya nitong nagdaang
Pasko, masagana pa ring sasalubungin ang Bagong Taon dahil may handa pa rin
kami. Pagkagat ng gabi ang pagsisimula ng kasiyahan sa bawat kabahayan at hindi
na nga magkandamayaw ang mga tao sa napipintong pagpapalit ng taon.
13E-G. Saktong humupa naman ang ulan kaya
nagkaroon ng pagkakataong makapaglakwatsa at pagkaapak muli sa bahay nina Regine, anong saya pagkat bukod sa
nag-uumapaw ang kanilang handa sa dami, buong angkan nilang sasalubungin ang
Bagong Taon na sama-sama. Ito naman si Annie,
panay aya sa aking bumili ng paputok subalit dahil sa inuubo ako, minabuting
manuod na lamang. Sa halip na magpaputok dahil wala nang nagbebenta ng Piccolo, nagsayaw-sayaw na lamang kami
at humipan ng torotot. Hindi ko maiwasan ang manibago dahil sa tuwing sasapit
ang Bisperas ng Bagong Taon, nagpapaputok talaga kami magkaibigan at
nagkakatuwaan pa nga sa hagisan, kahit sinindihang posporo lamang. Pagpatak ng
Alas-nuebe nang magpaalam muna ako sa kanila at nagtungo naman sa bahay ng Auntie Andrea subalit wala naman ang
mga ito. Kina Tita Arlene na lamang
ako nagpunta at bukod sa kanila’y naroroon din ang iba ko pang kaanak na mga
sabog na pagkat kanina pa nag-iinuman. Sumaglit lamang ako sa kanila pagkat mga
lasing na’t baka abutan na rin ako ng paputok. Pagkauwi ng bahay, kahit masaya
ang bawat isa sa pagdiriwang ng Bagong Taon, nakarinig pa rin ng mapupusok na
salita mula kina Mama.
13E-H. Hindi ko maiwasan ang sumama ang
loob sa kanila pagkat minsan lamang ito sa isang taon, ang maki-party kasama
ang mga kaibigan at kaanak, pinagkakait pa nila. Kahit nakatikim ng maanghang
na salita, pagsapit ng Alas-onse ay bumalik ako kina Regine at bukod sa nagkakainan ay nag-iinuman na rin sila at hindi
na nga maawat ang kabi-kabilang kasiyahan. Isang oras na lamang bago tuluyang
magpalit ang taon subalit wala pang gaanong mga paputok, hindi gaya nitong mga
nakalipas na pagsalubong na talagang nagpuputukan na, kaiilap din ng mga
Fireworks Display na halos hindi mo na makuhaan ng video kaya hindi ko maiwasan
ang manibago. Kahit walang gasinong mga paputok ngayong taon ay ramdam ko pa
rin ang saya, kasama ang mga kaibigan na parang kapamilya na ang turing at
hindi na rin talaga magkandamayaw ang mga tao at nagsisimula nang maging wild
at nagtatalon-talon, sigaw pa.