Miyerkules, Oktubre 31, 2018

70. October 2018 Journal (Day 2100-2130)

October 01, 2018
Monday

Year VI-274

12R-O. Hating-gabi na pala, sumapit na rin ang panibagong buwan subalit heto pa rin, nanatiling dilat ang mata dulot ng kakarepaso at kaba na rin dahil napipinto na talaga ang Board Exam sa buwang ito na gaganapin. Sumapit na pala ang Ala-una ng madaling araw, gustuhin pa man magrepaso pa hanggang sa pagsikat na ng araw, kaso pagod na ko. Pagkagising kinaumagahan at sa halip na sigla ang sumipa sa kalooban ay kaba. Marahil sa buong buwang ito, walang ibang mararamdaman kundi kaba’t pangamba dulot na paparating na Board Exam at mas matindi pa ito kumpara sa pagharap ko sa mga Panel tuwing defense at pagsali sa pageant kaya seryosong paghahanda ang kailangan at Diyos na talaga ang bahala sa akin. Tiwalang hindi naman niya pababayaan sa laban na ito.

12R-P. Sa kaba ko, di na nagawa pang mag-almusal at diretso sa pagsusunog-kilay. Batid kong hindi biro ang kinakaharap na bagay subalit malalampasan ito nang may katagumpayan and this time, sisiguraduhing mairaraos ang Board exam na ito na ganap nang Registered Psychometrician kaya kapit lang sa pananalig. Pinigilan ko ang kaba at sinubukang maging chill, makapag-concentrate lang sa pag-aaral. Dahil determinado talagang makapasa, walang ginawa sa buong umaga kundi isubsob ang sarili sa pagsusunog-kilay at naging maghapon na rin. Kinagabihan, pagsagot naman ng mga Test drills ang pinagkaabalahan. Hindi ko lamang mapigilang madismaya pagkat parating nakakakuha ng mababa subalit gaya ng sinabi ko at naniniwala, paulit-ulit man nadadapa, laban lang, magtatagumpay ka rin! Sa sobrang ko talaga sa pagrerepaso, inabot nanaman ng hating-gabi sa pagtulog. 

92 | 85 Eighty-five days to go before Christmas.


October 02, 2018
Tuesday

Year VI-275

12R-Q. Panibagong araw at umaga muling kakaharapin na walang ibang aatupagin kundi ang mag-aral. Pagkalantak ng agahan, kaagad ko nang sinimulan ang pagrerepaso. Medyo nahirapan lamang ako sa pagsusunog-kilay pagkat patungkol sa batas at Code of Ethics ang pinag-aaralan at mistulan tuloy isang abugado na isa sa pinapangarap ko kung papalarin. Nahihirapan man, hindi ako umayaw at nagpatuloy pa rin sa pag-aaral. Gaanoman kahirap ang isang bagay na tingin mo’y imposibleng masungkit, basta pinagsusumikapan at sinasamahan pa ng pananalig, mapagtatagumpayan mo ito. Sa panahon ngayon, walang ibang gagawing kundi mag-aral at magdasal dahil nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Ano pang silbi kung puro dasal ka lang, di naman nag-aaral at puro Walwal pa. Nahihirapan man ako sa pag-aaral, kumpiyansang papasa pa rin dahil ipinapakita ko naman na nagsusumikap.

12R-R Kahit gaano kahirap ang pagsusulit, basta deserving ka, papasa pa rin kaya ipakita mo lang sa Diyos na deserving ka sa pamamagitan ng pagkukumahog, hindi ka niya hahayaang lumagapak. Pagsapit ng tanghali, time out muna ako sa pukpukang pag-aaral at tamang libang sa panunuod ng Telebisyon. Natatanggal talaga ang stress mo at nakakapagbigay ng Goodbives kapag manunuod ka ng Showtime. Bukod sa inspired sa bawat kandidata sa Miss Q and A Intertalaktik 2019, pinapasaya nila ang araw ko’t wish na maging gaya rin nila balang araw, ang magkaroon ng Boyfriend sa kabila ng aking kasarian, subalit wala pa sa isip ko ang papakipagrelasyon at saka na kapag may narating na’t nasa katayuan na ni Vice Ganda pero sa ibang propesyon. Kahit still single at the age of twenty-two, hindi ako naiinggit sa mga kaibigan kong bakla na may kalaplapan tuwing gabi at magdamag pa nga, because it does not matter.

12R-S. Ang mahalaga ay masaya ka sa iyong ginagawa’t walang tinatapakang ibang tao. Matapos manuod ng telebisyon na halos masiraan na nga ng tuktok sa kakatawa, magrerepaso na sana ako subalit bigla nanaman bumuhos ang ulan. Mabuti sana kung umuulan lang, makakapag-aral pa ko’t gaganahan pa, kaso sinabayan pa ng pagkulog at kidlat, dalawang bagay na kinaayawan kong mangyari’t kinatatakutan, kaya ang resulta’y talukbong muli ako na tila nawawala sa katinuan dulot ng Anxiety. Marahil ay habang-buhay na kong may sakit na Astraphobia subalit di naman itinuturing na abnormal ang sarili dahil ang bawat isa sa atin, may kanya-kanyang kinatatakutan na hindi pangkaraniwan. Matapos ang unos na nagpayanig nang husto sa takot, saka lamang nakapag-aral. Maging sa gabi, sakripisyo muna sa panunuod ng Telebisyon upang bigyan ng oras sarili na makapag-aral. Sa sobrang abala ko, inabot nanaman ng hating-gabi bago mapagpasyahang magpahinga.   

91 | 84 Eighty-four days to go before Christmas.


October 03, 2018
Wednesday

Year VI-276

12R-T. Gustong-gusto ko pa talagang matulog pagkat gising na gising ang antok sa mga mata subalit kailangan nang bumangon pagkat tanghali na. Pagkaalmusal at gaya ng ginagawa sa pang-araw-araw, lalo na’t nalalapit na ang Board Exam, nagrepaso agad ako. Nakakatuwa dahil may pumapasok naman sa inaaral at nawa’y magtuloy-tuloy na ito nang sa ganon ay di na ko mahirapan pa. Bago sumapit ang tanghaling-tapat, naghanda-handa’t bihis na ko pagkat tutungo ngayon sa School. Habang nasa biyahe at dulot ng itinatayong MRT 7 na mukhang maging sa pagtanda ko’y hindi pa tapos, naging napakatrapik at dinaig pa ang pagong sa pag-usad. Maalinsangan pa ang panahon kaya walang ibang maramdaman kundi pagkayamot. Dahil naipit sa usad pagong na trapiko, halos dalawang oras din ang lumipas bago makarating sa School at habang naglalakad at nakakasalamuha ang mga samu’t saring estudyante, nakaka-miss ang maging buhay estudyante’t sumasagi nanaman sa isipan ang mga panahon at sandaling kasama ang mga kaibigan, kamusta na kaya sila ngayon at ano na ang buhay nila?

12R-U.Pagkatungtong ng library ay diretso kaagad ako sa pagrerepaso. Gumanda man ang Our Lady of Fatima University, maging ang library, wala pa ring pagbabago dahil maingay pa rin subalit wala na kong pakialam basta makapag-aral lang. Apat na oras din akong nasa library at itinutok ang mata sa pagrerepaso. Hinintay ko pa si Nikki, kaso mukhang di na ito darating kaya napagpasyahan nang umalis. Traffic muli sa lansangan, isa sa stressor lalo na kapag may trabaho ka na kaya naghihingalo na ang liwanag nang makaapak ang makinis kong yapak sa tahimik naming tahanan. Pagkahapunan, repaso muli ako. Habang lumalalim ang gabi ang papasidhing antok na aking nadarama subalit nagpatuloy pa rin sa pag-aaral. Nang di na kinaya ang antok, nakatulog na lamang ako basta-basta kung saan isinasagawa ang pag-aaral.  

90 | 83 Eighty-three days to go before Christmas.

October 04, 2018
Thursday

Year VI-277

12R-V. Dahil tulog prinsesa muli ng lagay, saktong may araw na sa labas nang ako’y magising at di na nagpatumpik-tumpik sa pagbangon. Diretso repaso at pagtitinda ang inatupag matapos mag-almusal. Maya-maya at dahil may pila raw ng murang bigas mula sa NFA doon sa Covered Court, sa kagustuhang makaiwas sa gastos dulot na napakataas na talaga ng mga bilihin kabilang ang bigas, di man namin iyon ugali ay di na nag-atubili pang nagtungo sa Covered Court. Bukod sa may bentahan ng murang bigas, may ilan ding politiko ang naroroon na tila nangangampanya na kahit sa susunod na taon pa ang simula ng kampanya para sa darating na halalan. Naging katuwang ko si Papa sa pagpila’t kung kailan nasa harapan at abot kamay na ang limang kilong bigas, hindi pinayagang makakuha dahil sa kulang ang dalang pera, kinailangan ko pang bumalik sa bahay at kakainis dahil hassle!

12R-W. Pagkabalik ng Covered Court ay pinayagan naman ako na huwag nang pumila pa’t pagkakuha ng bigas ay daglian nang umalis. Sa pangyayaring iyon, hindi mapigilang itanong sa sarili, naghihirap na ba kami at kung magkagayon man, Diyos na ang bahala’t naniniwalang hindi pababayaan. Saka lamang nagkaroon ng oras sa pagsusunog-kilay pagkauwi namin. Pagpatak ng tanghali’y muling nagimbal ang kalooban nang masilayan ang kapit-bahay na hindi gumagalaw at naglalaway na lamang dulot na inaatake ng Stroke habang ito’y tulong-tulong na ipinapasok sa ambulansya. Habang pinagmamasdan ang matandang lalaking inatake ng Stroke, sumasagi nanaman sa isipan nung panahong nagbigti si Mama at ganon na ganon din ang pangyayari na buhat-buhat siyang ipinapasok sa Ambulansya.

12R-X. Tila na-trauma na marahil ako’t sa tuwing makakakita ng taong ipinapasok sa Ambulansya, naalala iyon. Sa kabila na tila natitigilan dulot ng trauma, nagpatuloy pa rin ako sa ginagawa dahil tuloy ang buhay. Kinahapunan, lamyerda muli ako sa balay nina Myrrh, di upang makipagtsikahan kundi kuhain sa kanya ang mga ipinahiram na test drills. Hindi sana ako magtatagal sa kanila para hindi mahalata nina Mama, subalit napatagal dala na napasarap ang kwentuhan sa isa’t isa. Diretso pahinga ako pagkaapak muli sa sariling balay.

12R-Y. Kinagabihan, tutok muli ang mata sa paspasang pagsusunog-kilay at pakikinig na rin ng record mula sa Review Class para madaling pumasok at maitatak sa isipan ang inaaral. Matutulog na sana ako nang marinig na umuungol si Papa na tila umiiyaw at hindi ito mapakali. Wala akong ibang maramdaman kundi awa habang ito’y pinagmamasdan pagkat ilang gabi na siyang ganyan sa tuwing matutulog at patuloy na pinoproblema ang patungkol sa di makuha-kuhang retirement fee. Kung kailan nga naman maayos-ayos na si Mama, saka naman tila nawawala sa sarili si Papa at wala na marahil katapusan ang kinakaharap na problema. Sa kabila na hindi matapos-tapos ang problema, laban lang at manalig, pasasaan pa’t malalampasan namin ito. Huminto naman sa pag-ungol si Papa kaya nakatulog nang matiwasay.

89 | 82 Eighty-two days to go before Christmas.

October 05, 2018
Friday

Year VI-278

12R-Z. Pag-uusap nina Mama at Papa ang gumising sa akin na kaaga-aga’y problema pa rin sa pagproseso ng Retirement fee ang bukambibig ni Papa. Hindi lamang iyon ang pinoproblema nito, halos lahat na nga at gaya din siya dati ni Mama na abot-langit ang pag-aalala na wala naman dapat ipag-alala. Kung ako ang tatanungin, hindi naman ako nangangamba kung mauwi sa paghihirap ang buhay namin dahil walang ni isa sa pamilya ang may trabaho, ang taas pa ng mga bilihin, ang pinapangamba ko na baka tuluyan nang ma-depress si Papa pagkat ilang linggo na rin siyang balisa’t nagiging kakaiba na ang kanyang kilos sa tuwing matutulog. Gayunpaman ay sana kayanin ni Papa kung anuman ang kinakaharap niyang problema, kahit kakikitaang nawawalan na ito ng pag-asa. Gusto ko siyang tulungan sa problema niya, kaso di naman ito nakikinig kapag pinapayuhan at sarili lamang nito ang pinakikinggan kaya Diyos na ang bahala sa kanya.

12S-A. Hindi tuloy naging maganda ang salubong ng umaga pagkat problema ni Papa ang naririnig at kitang-kitang nababalisa pa rin ito. Sa kabila na hindi magaganda ang mga dumarating sa buhay, di naman nahadlangan ang kagustuhan kong mag-aral at laban lang, kahit hindi kadali ang isang bagay. Wala akong ginawa sa buong umaga kundi mag-aral, sa takot na bumagsak at baka makadagdag pa iyon sa poproblemahin ni Papa. Sila pa yung aming mga magulang, sila pa ang madaling sumuko’t mawalan ng pag-asa sa buhay, maigi na rin at di ko minana ang ganong pag-uugali dahil ako ang tipong taong hindi humihinto hangga’t may nakikita pang pag-asa. Sabi nga nila, hindi baleng matalo ka sa isang laban, ang mahalaga ay hindi ka sumuko’t naipakita ang galing mo. Gamitin ang bawat kabiguan sa buhay na pampalakas ng loob pagkat parte iyon ng iyong pagkapanalo.

12S-B. Sa sobrang aligaga ko muli sa pagsusunog-kilay, tanghaling tapat na pala. Kinahapunan nang muling sinusumpong si Papa na tila nawawala sa sarili pagkat panay ang kanyang pag-aalala, halos maghapon din itong nakahiga’t daing nang daing. Kahit batid na hindi ito nakikinig, pinangaralan ko pa rin siya, nang sa ganon ay kumalma-kalma naman kahit papaano ang kanyang kalooban. Magkahalong awa at inis na ang nararamdaman ko kay Papa pagkat gaya ni Mama, hirap pagsabihan at sarili lamang talaga ang pinakikinggan. Ang maganda nga lang kay Papa na kahit kakikitaang nade-depress na, nakakapagluto pa ito at bantay pa nga ng bata. Kinagabihan, tutok muli ang mata sa pagsusunog-kilay. Dahil may pasok muli kinabukasan, maaga akong natulog. Hindi naman makatulog gawa na ungol nang ungol si Papa na tila binabungungot. Kung anuman ang nangyayari sa aming haligi ng tahanan, Diyos na ang bahala sa kanya at tiwalang hindi ito pababayaan.

88 | 81 Eighty-one days to go before Christmas.

October 06, 2018
Saturday

Year VI-279

12S-C. Nagising ako na bumabalani ang kaba sa dibdib dulot na nalalapit na talaga ang Board Exam, idagdag pa na tila nawawala sa katinuan si Papa at patuloy raw na binabagabag ng konsensiya at pag-aalala. Sa kabila na may kinahakarap na suliranin ang aming pamilya, gaya na tila nagkukulang na ang pinansyal na pangangailangan, nagawa ko pa rin pumasok. Sobrang nag-aalala ako sa posibleng mangyari sa mga susunod na araw kaya bago pumasok, nagtungo muna ng Saint Peter Church at nagdasal para mabawas-bawasan ang nadaramang kaba. Kahit paano, naibsan naman ang kaba matapos magdasal dahil naniniwala ako na ang bawat isa sa atin na may pananalig sa Diyos, hindi niya hahayaan na maghikahos at magdusa nang husto. Tuluyan naman nawala ang kaba kinalaunan at pagkatungtong ng Diliman College, saktong wala pang Instructor kaya ang buong Auditorium, balot na balot sa kaingayan kahit kapansin-pansing di na gasinong karami ang mga pumapasok.

12S-D. Psychological Assessment muli ang subject na pag-aaralan at si Sir Francisco ang instructor namin. Gaya ni Sir Angelbert na naging Instructor namin kamakailan, binabae din ito’t kung magsalita ay napakatikwas maging ang kamay, baklang-bakla ang datingan subalit ang pinagkaiba lamang nila, hindi ito nakakaantok magturo’t nakakapagbigay-kwela pa sa aming mga nakikinig pagkat may pagka-komedyante ito. Iyon nga lang, may kaharutan ito sa katawan pagkat sa tuwing magtatawag ito, kung kani-kanino ba namang lalaki lumalapit at di lang tanong ang ginagawa nito kundi hinaharot-harot pa niya. Naalala ko tuloy sa kanya si Kalvin dahil ganyan na ganyan ang galawan nito. Hindi naman nakakairita ang ginagawa nito, sa katunayan ay tawa pa nga kami nang tawa’t wala nang natutuhan pagkat nauuwi na sa kalandian ang klase.

12S-E. In fairness nga lang sa Block namin dahil marami-rami rin mga gwapo, iyon nga lang ay wala nang time para makipagkaibigan sa kanila’t ayaw kong mahuhulog ang loob dahil di rin naman magkikita kapag nagtapos na ang Board exam kung sakali. Dahil World Teacher’s Day kahapon, pagpatak ng Lunch break, nagpakain ang mga RGO Staff sa amin at mistulang may nagdiriwang ng kaarawan o piyesta kahit magsasalo-salo lamang na kung tawagin ay Pot Luck day. Dahil halos nasa hulihan kami’t sa dami ba naman ng magsisipagkain, pagdating namin sa may table kung saan nakahain ang iba’t ibang klaseng pagkain, karamihan ay ubos at simot na at kung ano pa yung hindi trip at masarap kainin gaya ng puto at pitsi-pitsi, iyon pa ang natira. Hindi ko mapigilan ang mairita at madismaya dahil pangkain na sana ang ipinang-ambag, wala rin pala mapapala.

12S-F. Dahil nagkaubusan ng pagkain sa dami ba naman kasi naming at yung ilan ay parang wala nang bukas kung makakuha, kinailangan pa tuloy maghintay ng panibagong pagkaing na sa oras na iyon ay ngayon pa lang ino-order. Habang hindi pa nagsisimula ang klase’t sarap na sarap sa paglantak ng pagkain ang karamihan samantalang kami’y nga-nga, hindi akalaing biglang hihirit ang mga staff na sumayaw ako sa stage. Mahiyain akong nilalang kaya kahit halos lahat na ang humihirit maging mga staff na sumayaw sa entablado, nagmatigas pa rin ako. Sa dami ba naman ng pwedeng sumayaw at magbigay aliw sa kanilang bagot na bagot, ako pa ang napili samantalang parehas kaliwa ang paa’t di hamak na may mas magaling pa sa akin pagdating sa sayaw, kainis at gawin ba naman nila akong Dancer, hirap ng buhay kapag sikat ka na.
12S-G.Tumigil naman sila kinalaunan at kung kailan nagsimula na ang klase, saka lamang nakakain ang mga di naabutan kabilang kami. Nakakawalang gana nang makinig pagkat puro harot ang Instructor at bias pa dahil mga tunay at may hitsura lamang ang tinatawag nito kaya ang resulta, halos maubos ang laman ng Auditorium pagpatak muli ng Breaktime pagkat karamihan ba naman kabilang kami, nagsipag-uwian na. Paano naman kasi, napakahaliparot niya’t nakakaumay, kung alam lamang nag anon ang magtuturo ay di na lamang sana pumasok subalit nabusog naman ang araw dahil sa pagkain. Sa pagod ay diretso hilata ako sa higaan pagkauwi para magpahinga. Kinagabihan, tutok muli ang mata sa puspusang pagsusunog-kilay. May kalaliman na rin ang gabi nang mapagpasyahang matulog. 

87 | 80 Eighty days to go before Christmas.

October 07, 2018
Sunday

Year VI-280

12S-H.Today is Sunday again at kailangan nanaman bumangon nang maaga para sa muling pagpasok sa review class. Kahit nahuli na ng dating ay saktong wala pang instructor. Ang kaninang kasamahang tatahitahimik at di mo halos makausap gawa na may pinagkakaabalahan, halos mabaliw sa kilig nang dumating ang magtuturo sa amin ngayong araw dahil gwapo at matipuno, ayon sa kanila. Hindi ko mawari kung anong mayroon sa lalaki’t gwapong-gwapo sila samantalang kahit anong anggulo tingnan, hindi ko makita ang kakisigan nito, gawa lamang marahil na malabo ang paningin ko subalit hindi naman at kahit tingnan mo sa malapitan, hindi magawang maniwala sa sinasabi nila. Basta ang sa akin ay maputi lamang ito at bata-bata pa kaya fresh look. Sir Renz ang pangalan ng Instructor naming at saktong Abnormal Psychology ang subject na ituturo niya sa amin, one of my favorite subject although it’s hard. Nagkaroon muna ng Rationalization bago ito mag-lecture at nakakainis dahil yung sagot na siyang inaakala mong tama, hindi pala’t sa lahat ng nagdaang instructor, siya ang pinakatusong gumawa ng exam pagkat very unpredictable.

12S-I. Naging napakainteresado sa akin ang makinig, di dahil sa may hitsura ito’t akit na akit ang mga kasamahan ko sa table kundi magaling ito magturo’t pormal na pormal pa magsalita, ang linis din niya kung pagmamasdan na aakalain mong isa itong Well Groomed Guy. Maya-maya at ibig ko pa sanang makinig, kaso umiral nanaman ang antok sa mga mata. Bakit ganon, may mga bagay talagang hadlang sa pagkamit ng pangarap subalit tiwala lang sa sarili ang kailangan para mapagtagumpayan. Kahit namamayani ang antok, nakaya ko naman itong labanan at ipinagpatuloy ang pakikinig. Habang lumilipas ang sandaling pinagmamasdan siya, unti-unting napapansing gwapo nga ito. Palibahasa’y iba ang dating ng gwapo sa akin at yung tipong isang kisap lang ng mata sa lalaki, maglalaway ka talaga na parang aso’t makakaramdam pa ng pag-iinit.
12S-J.Hindi ko nakita iyon sa kanya kaya parang wala lang nung pumasok ito pero ng mga oras na iyon, nagkukumislap na ang mata ko kaya lalo pang naengganyong makinig. Sa kabila na may kakisigan ang instructor namin, tila naamoy na isa itong paminta pagkat malaki na may kalamyaan ang boses nito. Gayunpaman, gusto ko pa rin siya at kung nagkataong magkatagpo muli, di ko na ito pakakawalan pa. Ilang sandali pa, sa wakas ay lunch break na’t bago magsimulang magturo si Sir Renz na karamihan sa mga babae maging sa mga binabae gaya ko’y akit na akit sa kanya, nagkaroon muna kami ng recitation. Kahit mahaba, kung may kadalian naman ang ibinigay nitong Case Presentation ay lakas loob na kong sumagot. Halos mayanig ang buong Auditorium dulot ng malakas na hiyawan at tilian habang ako’y sumasagot at nakaka-distract, di dahil sa gwapo nga ito kundi wala silang ginawa kundi itambal kaming dalawa.

12S-K. Bahagyang kilig ang aking nararanasan nang mga oras na iyon kaya hindi makasagot ng maayos. Matapos ang katuwaan dulot ng Recitation, balik sa dating tahimik ang buong Auditorium nang magturo na si Sir Renz. Kahit isipin at sabihin nilang nagpapansin lang ako kay Sir, kung di naman maunawaan ang itinuturo ay wala nang pakialam at lakas loob pa ring nagtanong. Hindi ko mawari kung bakit sila nagsisipagtilian samantalang nagtatanong lang naman ako’t kasalanan ito ng mga staff pagkat sikat na sa buong block. Wala pang Alas-singko nang matapos sa pagtuturo si Sir at bago umalis, di na namin pinakawalan ang pagkakataong makipag-picture sa kanya. Kahit batid kong ito na marahil ang huling pagkakataong makikita namin si Sir Renz, di naman nalulungkot pagkat marami pang mas higit sa kanya na makikilala ko’t makakasama pa ng matagal. Diretso lamon ako pagdating ng bahay at kinagabihan, subsob muli ang mata sa pagsusunog-kilay.

86 | 79 Seventy-nine days to go before Christmas.

October 08, 2018
Monday

Year VI-281

12S-L.Ganap nang sumapit ang hating-gabi subalit heto pa rin ako’t abalang-abala sa pagsusunog-kilay. Bandang Ala-una nang mapagpasyahang matulog. Kahit inabot na ng madaling araw sa pagtuloy ay di naman tinanghali sa paggising at pagkalamnan ng Sinapupunang magdamag na naghihintay ng grasya lalo na ang malapot na katas ng lalaki na matagal nang minimithi, igugol muli ang sarili sa pagsusunog-kilay. Dahil namamayani ang kasiglahan sa dibdib, ganadong-ganado sa pagbabasa’t pagkakabisado subalit nang kalaunan ay sumakit bigla ang ulo, nahirapan na tuloy ako makapag-concentrate sa pag-aaral. Maigi na lamang, nakakaya kong i-tolerate ang sakit ng ulo kaya nagpatuloy pa rin sa pag-aaral.
12S-M. Buong umaga akong nakaupo at tutok na tutok ang mata sa pagbabasa ng mga reviewer at sa sobrang abala muli at sipag na rin, hindi namamalayang magtatanghali na, oras nanaman para kumain. Matapos kumain, nawala nga ang sakit ng ulo subalit inaantok naman ako’t nang hindi na makaya, gustuhin man gamitin ang oras sa pag-aaral kung di naman pumapasok sa utak ang inaaral dulot ng antok ay nagpahinga muna ako. Halos apat na buwan na rin pala akong nagrerepaso at naghahanda para sa darating na board exam at dalanging may matunguhan ang lahat ng aking pagkukumahog at sikap, ang makapasa. Maging sa hapon at gabi, tanging pagrerepaso lamang ang aking nirepaso, ni halos hindi na nga makalabas ng bahay at makausap ang kasamahan sa bahay, dulot na sobrang abala sa pag-aaral. 
85 | 78 Seventy-eight days to go before Christmas.

October 09, 2018
Tuesday

Year VI-282

12S-N. Himbing na himbing na sa pagtulog ang lahat ng kasamahan sa bahay maging ang mga kapit-bahay, maliban sa akin na dilat na dilat pa rin ang mata’t patuloy na nagpapakasubsob sa pagrerepaso. Kung kailan matutulog na ko, sa di inaasahan ay muling sinusumpong si Papa at tila umiiyak nanaman ito sa pag-ungol, dala na pinoproblema pa rin nito ang di makuha-kuha retirement fee. Ang maganda nga lang kay Papa, hindi ito gaya ni Mama na nagiging bayolente’t nanghahagis pa ng gamit kapag sinusumpong. Gayunpaman ay naawa pa rin kay Papa, di ko naman alam ang gagawin sa kanya kaya hinayaan na lang ito at natulog. Sa kabila na sinusumpong si Papa na tila nawawala sa sarili, hindi naman naging mahirap ang magdamag sa amin.

12S-O. Sa sarap ng tulog ay tinanghali na sa paggising at patungkol pa rin sa kinakaharap na problema ni Papa ang sumasalubong sa aking paggising. Ang ate na abalang-abala sa pag-aalaga kay Anya, panay pagpapayo kay Papa subalit talagang sarili lamang nito ang pinakikinggan at masyadong dismayado’t problemado sa buhay. Hindi tuloy ako makapag-aral ng maayos gawa na di mapigilang indahin ang kinakaharap naming sitwasyon. Kung nakaya namin lampasan ang mga unos sa buhay gaya ng pagkakaroon ni Mama ng sakit, umaasang malalampasin din ang panibagong unos na nagbabadyang manalasa, gaano man ito kahirap at kaseryoso. Sa kabila na inaalala ang posibleng kauwian ng pagiging problemado ni Papa sa buhay, di ko hinayaang magpanaig sa nararamdaman at nag-aral pa rin pagkat tuloy ang buhay kahit anong mangyari.

12S-P. Maya-maya pa at para maiba naman ang aking gawain, sinubukan kong magsagot ng mga Test Drills. Nakakatuwa at hindi makapaniwala sa nakuhang resulta pagkat puro matataas, tumataas na tuloy ang kumpiyansang makakapasa’t sana’y magtuloy-tuloy na nga ito. Walang ibang inatupag sa maghapon maging sa gabi kundi isubsob ang sarili sa puspusang pagsusunog-kilay at pagsagot na rin ng mga Test drills para mahasa pa ang skills sa pagpili ng mga sagot. Sa sigasig kong mag-aral, may kalaliman na rin ang gabi nang maisipang ihimlay ang sarili sa kama. 

84 | 77 Seventy-seven days to go before Christmas.

October 10, 2018
Wednesday

Year VI-283

12S-Q. Medyo napasarap ang pagtulog ko na ninanamnam kung paano matulog ang isang prinsesa kaya maliwa-liwanag na rin sa labas nang magising at bumangon. Panibagong araw nanaman ang kakaharapin na magiging abala sa pag-aaral at bukod pa roon ay si Papa na hanggang ngayon ay kinikimkim pa rin ang problema sa Retirement fee at pakiwari nang pinagsakluban ng langit at lupa kahit may pag-asa pa naman. Dahil nakakasawa na itong pangaralan pagkat paulit-ulit na lamang at hindi naman nakikinig sa sinasabi, kaya hinayaan na lamang siya’t pareho sila ni Mama na sadyang negatibo mag-isip. Hindi ko mawari kung bakit ganyan sila mag-isip, napakaeksaherada’t parang sila na ang pinakakawawa sa mundo. Pagkaalmusal, ano pa nga ba ang gagawin kundi magpakasasa muli sa pag-aaral sa pagnanasang makapasa’t maging pagkakataon na rin para mas madali ang paghahanap ng trabaho.
12S-R. Maaga pa lamang, nuknukan na sa ingay ang lugar namin dulot ng mga batang adik na adik sa paglalaro ng sipa’t ang lakas pa ng loob na utusan ka kapag aksidenteng na-fallin ang pamatong sipa, sarap pagsisipain. Idagdag pa ang mga tsismosang kapit-bahay na walang ibang ganap sa buhay kundi pag-usapan ang may buhay na may buhay, nahirapan tuloy ako sa pag-aaral. Kahit pahirapan sa akin ang makuha ang konsentrasyon dulot ng sitwasyong di mo inaasahan at makontrol, tuloy pa rin ako. Kinahapunan, heto pa rin ako’t tutok na tutok sa pagrerepaso, ni hindi na nga nakakagala o bisita man lang sa bahay ng mga kaibigan subalit ayos lang pagkat ang bawat pagtatiyaga at sakripisyo mo sa buhay ay may kapalit na kaginhawaan at mas nagtatagumpay ang mga taong marunong magsakripisyo. Maging sa gabi’t dahil patuloy na sinisipag ay pagsusunog-kilay pa rin ang inaatupag. Saka lamang naisipang matulog nang makaramdam ng antok at pagod.

83 | 76 Seventy-six days to go before Christmas.

October 11, 2018
Thursday

Year VI-284

12S-S. Sabak muli sa panibagong araw na walang gagawin sa maghapon kundi magpakasasa sa pag-aaral pagkat bilang na bilang na lamang ang araw para sumabak sa Board Exam. Pagkaalmusal, pagbubuklat agad ng mga reviewer ang aking inatupag. Hirap pa rin akong makapag-concentrate gawa na namamayani ang kaingayan sa aming lugar dulot ng mga batang naglalaro ng Sipa. Pinagsabihan na nga, tila teyngang kawali kaya hinayaan na lamang sila’t masasayang lamang ang boses sa kakasaway. May mga tao talagang sadyang mahirap pagsabihan at dapat sa mga ganung klase’y tinuturuan ng leksyon nang magtanda. Dahil naiingayan, ako na lamang ang nag-adjust at naghanap ng lugar kung saan tahimik subalit ganon pa rin, dinig mo pa rin ang kaingayan, dulot naman ng mga dalagitang nakatambay sa amin na walang ginawa kundi maglampungan at tili pa nang tili na akala’y nilagyan ng sili ang kanilang pag-aari’t sarap pagsasampigahin o sampalin nang mabawas-bawasan ang pagiging makati.

12S-T. Tila hindi ko nga masumpungan ang katahimikang inaasam pagkat nag-aaral at hirap ngang mag-aral sa lugar na nuknukan sa ingay, lalo na kapag magulo’t maya’t maya may nag-aaway, hindi na bago ang mga iyan sa lugar namin at talaga ngang nagbago na ang Taniman, hindi na ito gaya ng dati nung pagkalipat na pagkalipat namin na kahit maputik, tahimik naman at safe na safe sa’yong tumira, pero ngayon ay maingay na’t marami nang mga taong di mo ninanais na makasalumuha gaya ng mga Chola, Pabebe, Gangster at ChikitingGubat ang naglipana’t di mo malaman kung saang planeta sila nanggaling. Ibang-iba na talaga ang lugar namin at maigi pa sa Recrap na napupuntahan ko, tahimik kahit madilim at alanganin din dahil tabi lamang sila nang sapa’t bahain sa tuwing malakas ang ulan.

12S-U. Kapag ako talaga nagkapera, di na magdadalawang isip na lumayas at maghahanap ng lugar na tahimik, siyempre kasama ang pamilya ko’t ganitong klaseng tao ako, hindi ko nais na ako lang ang masaya’t nakakalasap ng kaginhawaan, dapat ay sama-sama kami. Hindi ko mawari kung bakit mas inuuna kong isipin ang kapakanan ng mga taong nakapaligid sa akin kaysa sa sarili kahit yung iba, di naging mabait sa akin at wala pa ngang pakialam sa kung ano ang nararamdaman ko. Marahil ay biniyayaan ako ng maykapal ng ganung klaseng pag-uugali subalit, sa totoo lamang ay nakakapagod din ang maging mabait, lalo na sa mga taong di maka-appreciate at iniisip pa rin na masama ka.

12S-V. Tuloy pa rin ako sa pagrerepaso hanggang sa sumapit ang tanghaling tapat. Dahil Six Months old na si Baby Anya sa mundong ibabaw na ito, nagluto si Mama nang panghanda’t bumili naman ang ate kaya naging bwenas ang pananghalian at meryenda namin, sa kabila na tila naghihikayos dulot na nagsipagtaasan ang mga bilihin at talaga naman busog na busog ang sinapupunan sa dami ng nilamon. Balik ako sa pagrerepaso matapos ang pagsasalo-salo upang ipagdiwang ang kaarawan ni Anya na di mo akalaing mag-iisang taon na ito’t kay bilis nga ng panahon, parang kailan lamang nung pinanganak ito. Namayani bigla ang antok kaya kahit gusto pa ng isip na mag-aral kung pagod na ang mga mata, nagpahinga muna ako. Madilim-dilim na rin sa labas nang ako’y magising at saktong hapunan na. Kinagabihan, time out muna sa pagsusunog-kilay at tamang libang lang sa panunuod ng telebisyon. Nang magsawa, saka lamang muli naisipang mag-aral.

82 | 75 Seventy-five days to go before Christmas.

October 12, 2018
Friday

Year VI-285

12S-W. May kalaliman na ang gabi subalit heto pa rin ako na subsob na subsob sa pag-aaral pagkat di pa kasi inaantok at magagawa pa marahil mag-aral ng magdamag kahit abutin pa ng pagsikat ng araw, kung hindi aantukin. Mga bandang Ala-una at kahit di pa talaga inaantok kung ayaw naman magkasakit, kinailangan ko nang matulog. Pagkagising, laking gulat at kita sa mukha ang pagkagitla pagkat malapit na palang sumapit ang Alas-nuebe. Diretso ako sa pagrerepaso matapos magkape pagkat ayaw kong manghinayang sa bawat oras na lilipas na hindi iginugol ang sarili sa pag-aaral at bawat oras ay mahalaga, kahit Segundo lamang kaya huwag sayangin sa kung ano-anong mga bagay na hindi mahalaga at wala ka naman patutunguhan.

12S-X. Ang iba nga sa atin, gaya na lamang ng mga tao dito sa amin, iginugugol lamang ang buhay sa masasamang bisyo sa halip na gamitin ang mga oras nila sa mundo para magsumikap at palaguin pa lalo ang kanilang pamumuhay. Walang masama sa paglilibang subalit kailangan may oras ka para sa ibang bagay na mas mahalaga kaysa diyan. Buong umaga nanaman subsob na subsob ang mata sa pag-aaral at pagsagot ng mga test drills. Kung nung isang araw, parang gusto kong lumundag sa tuwa pagkat sunod-sunod na nakukuha ng matataas subalit Anyare na ngayon at kung di mabababa, pasang awa o katamtaman lamang, kinakabahan na tuloy ako subalit chill lang at marami pang pwede magbago sa loob ng dalawang linggo bago ang board exam.

12S-Y. Wala akong ginawa sa maghapon kundi magrepaso at magsagot ng sangkatutak na mga drills para lalo pang mahasa ang sarili. Saka ko lamang nagawang magpahinga ngunit pansamantala, kung kailan gabi na’t kailangan ko muna ng recreation gaya ng panunuod ng telebisyon at i-relax ang sarili sa paghiga. Maya-maya pa’t nang ma-refresh ang sarili’y sabak muli sa puspusa’t dibdibang pagrerepaso. Sa sipag kong mag-aral, ilang hating-gabi na ang naabutang dilat pa rin ang mga mata. 

81 | 74 Seventy-four days to go before Christmas.

October 13, 2018
Saturday

Year VI-286

12S-Z.Sabado nanaman pala subalit di ako maagang nagising pagkat wala kaming review class ngayong araw, may time pa para makapag-aral at makapaghanda-handa. Pagkaalmusal, halabira muli ako sa pag-aaral at kahit maraming humahadlang gaya ng ingay, tapos medyo sumasakit-sakit na rin ang ulo dulot ng kakaunawa sa binabasa’t sa dami na rin ng mga impormasyong ipinapasok sa utak, maalinsangan pa ang panahon ay laban lang pagkat naniniwala akong mas deserving ng mga taong makapasa’t makakuha ng lisensya kapag lumalaban at nagsusumikap, pinaghihirapan talaga ang lisensya ng mga Psychometrician. Tuloy ako sa pagsusunog-kilay hanggang sa sumapit ang tanghaling tapat. Pagsapit ng tanghaling tapat, lalo pang naramdaman ang maalinsangang panahon kaya naman hitik na hitik ako sa pawis at sumasakit-sakit pa ang ulo.

12T-A. Matapos mananghalian, pagsagot muli ng Test drills ang aking inatupag. Sa dami ng aytem na kailangang sagutan at bawat aytem, nagpapakawais sa pagsagot kaya ang resulta, inabot ng tatlong oras bago ako matapos sa pagsagot. Pagka-check, hindi ko malaman kung ano ang dapat maramdaman, kung matutuwa ba o madi-dissapoint pagkat di kataasan ang nakuha subalit pasado naman. Alam kong mahirap ang makapasa, lalo na ang masungkit ang pagiging Topnotcher subalit gaanoman sa tingin mo ay imposible, kakayanin basta may pagsusumikap at pananalig din sa maykapal.

12T-B. Maging sa gabi ay pagrerepaso pa rin ang inatupag ko. Hindi naman makapagrepaso ng maayos gawa na kailangan ko pa tulungan sina Mama at Papa sa pag-aalaga kay Anya pagkat may pinuntahan ang ate at iyak pa nang iyak. Nakakapagtaka nga lang sa bata at di rin ako makapaniwala pagkat kahit anong gawin nina Mama sa pagpapatahan nito, di ito tumitigil subalit kapag ako kahit kaharap lamang, tumitigil ito’t panay pa ang titig sa akin at nagagawang sundan lingon saanman ako magtungo. Kahit hindi ko kasundo ang ate at di rin kami nag-iimikan, natutuwa pa rin ako sa anak niya at labas siya sa kung anumang issue sa aming dalawa. Dakong hating-gabi na rin nang maisipang matulog.

80 | 73 Seventy-three days to go before Christmas.

October 14, 2018
Sunday

Year VI-287

12T-C. Nakakatuwa na nakakalungkot dahil ito na ang huling araw na magkikita-kita kami sa review class at ma-miss ang mga naging bahagi ng buhay ko sa loob ng halos limang buwan na pakikibaka sa linggo-linggong pagpasok sa review. Dahil nahuli sa pagpasok, saktong may nagtuturo na’t aakalain mong si Ma’am Culhi pagkat bukod sa mabilis magsalita, may expresyon din ito sa bawat dulo subalit siya si Ma’am Tuyan. Parang dinaig pa ang takbo ng tren sa bilis nito magsalita at mahirap sundan ang kanyang mga sinasabi subalit napakahusay nitong magturo’t makwela pa. Naloka lamang ng bahagya nang bigla itong kumanta sa gitna ng discussion at parang concert lamang ang nagaganap. Ilang minuto pa’y pinasabay na niya kami sa pagkanta at hindi lang iyon basta pagkanta dahil tinuturuan niya kami kung paano magkabisado’t mapadaling maipasok sa isipan ang inaaral namin. Sa lahat ng dumaang instructor sa amin, siya lamang ang bukod tangi’t kakaiba talaga siya.

12T-D. Maya-maya pa, nagkaroon kami ng test drills. Napakasimple lamang ng pagkakagawa ng exam na aakalaing madaling sagutan subalit nang basahin, hindi pa rin mapigilan ang mangamote dahil nakakapangduda ang pagpili’t talagang mapapaisip ka. Napakaikli ng ibinigay na oras sa amin ni Ma’am Tuyan upang sumagot kaya ang resulta, di ko na tapos. Nang Rationalization na, di maiwasan ang madismaya pagkat mali-mali ang aking isinagot subalit laban lang at hindi basehan ang ilang beses na pagkakadapa para sabihing isang talunan dahil kung sino pa ang madalas na nabibigo, nagtatagumpay sa bandang huli na higit pa kaysa sa iyong inaasam. Kahit na lubhang napakabilis ni Ma’am magsalita kung Catchy naman ang sinasabi nito’y mas nanaisin mo pa rin ang makinig kaysa makipagdaldalan, isa pa’y palakad-lakad ito na kulang na lamang ay libutin ang buong Auditorium at nagtatawag pa.

12T-E. Panay din ang kwento nito kaya tawa kami nang tawa. Kahit nung una’y aakalain mong istrikto ito ay masaya pala siya magturo at nakakabitin lamang dahil di pa ginawang dalawang araw ang lecture namin sa kanya. Bandang Alas-kwatro nang matapos ang Rationalization at kakainis, wala pa sa kalahati ang nakuha kong score subalit ayos lang cause there’s another chance to prove yourself. Pinatayo pa ni Ma’am Tuyanang lahat na nakakuha ng matataas at hinirang na potential topnotcher at inalayan ng ritwal. Nag-discuss pa ito at ilang sandali pa, uwian na. Dahil ito na ang huling araw na pagkikita, kaliwa’t kanan na ang pamamaalam sa isa’t isa. Ang bilis nga naman dahil di akalaing nairaos ang buong review class at dalawang linggo na lamang pala bago ang Board Exam. Wala pang balak umuwi kaya nagtungo muna ako sa Simbahan at nagdasal. Saktong naghihingalo na ang liwanag nang makarating sa bahay at hapunan muli ang hanap-hanap.

79 | 72 Seventy-two days to go before Christmas.

October 15, 2018
Monday

Year VI-288

12T-F.Eksakto dalawang linggo na lamang pala ang nalalabi’t darating na ang pinakahihintay na halos limang buwan ding pinaghandaan, ang board exam. Kaya ang kaba, di na mapigilan at pasidhi pa nang pasidhi habang papalapit. Hindi tuloy naging maganda ang gising dulot kaba’t idagdag pa ang panibagong problemang aming kinakaharap pagkat bukod sa ilang gabi nang parang nawawala sa sarili si ama sa tuwing ito’y matutulog, nagkaroon pa ito ng katarata ayon sa Opthalmologist na napagkonsultahan nila at maaring mauwi sa pagkabulag kung di maagapan at maooperahan kaya ang aming haligi ng tahanan, lalo pang namomoblema’t tila pinagsakluban ng langit at lupa. Bukod sa nagkaroon ng katarata si Papa na pinangangambahang mabulag, hindi pa tuluyang nagagamot ang Goiter sa leeg ni Mama at lumalaki na ito, gawa na hindi na naipapagamot at di na alam kung saan kukuha ng pampagamot, pasalamat na lamang kami at nakakatulog na ito’t di na bumalik ang sakit nito na kung saan nawawala sa sariling katinuan. Tila nagkasunod-sunod at sabay nga naman ang dumarating na pagsubok sa buhay namin atkung ikaw ay malagay sa ganung sitwasyon ay made-depress ka talaga.

12T-G. Minsan dahil sa mga pangyayari, pinanghihinaan man ng loob na tila ibig mo nang sumuko subalit hindi maaari pagkat tuloy ang buhay at kailangan lumaban dahil naniniwala akong may hangganan din itong aming kinakaharap at maraming pag-asa. Sa kabila na di ko maiwasang kimkimin ang suliraning nanunuluyan sa aming pamilya, nagawa ko pa rin mag-aral at sinubukang ipokus ang sarili sa binabasa dahil may minimihing pangarap. Wala muli akong ginawa sa buong umaga kundi magpakasasa sa pagsusunog-kilay kahit sumasakit na ulo, tuloy pa rin at di ito ang tamang panahon para umayaw.

12T-H. Pagsapit ng tanghali’t matapos mananghalian, ipagpapatuloy sana ang pag-aaral, kaso hindi magawa pagkat biglang sumama ang pakiramdam at tila mauuwi muli sa pagkakasakit. Ayaw ko naman na magkasakit pagkat dagdag nanaman sa problema’t baka ito pa ang maging dahilan para hindi makakuha ng exam at mapurnada ang pangarap kaya nagpahinga muna. Nang pakiwaring bumabalik-balik na sa dating sigla ang pakiramdam, heto muli ang lola niyong isusubsob muli ang sarili sa pag-aaral. Maging sa gabi, pag-aaral lamang ang inatupag ko kahit inuubo’t sinisipon pa’t may kalaliman na rin ang gabi nang mapagpasyahang matulog.

78 | 71 Seventy-one days to go before Christmas.

October 16, 2018
Tuesday

Year VI-289

12T-I. Sarap pa sanang matulog ngayong nakatengga pa rin sa bahay pagkat walang trabaho subalit kailangan nang bumangon pagkat marami pa kong dapat aralin. Pagkalamnan ng agahan, wala nang sinayang pang sandali’t karaka-karaka nang nag-aral. Ibang klase na talaga ang kabang nararanasan ko, lalo na’t maikli na lamang ang panahon na hihintayin, kahit na iniisip ko na marami pang magagawa sa nalalabing dalawang linggo. Pagkagising at dahil di na mapipigilan ang paglapit ng Board exam ay karakaraka nang nagrepaso. Pinagsabay ko ang pagtitinda’t pag-aaral at nakakalungkot pagkat ilang oras nang nakabantay sa tindahan, wala pang bumibili subalit maigi na rin pagkat di naantala ang aking binabasa. Wala nanaman ginawa sa buong umaga kundi mag-aral dahil determinado talagang pumasa. Handa na kong kaharapin ang anumang commitment bilang Psychometrician, gaano man kahirap, basta makapasa lang.Bakit ganoon, kahit sinasapuso na ang binabasa, hirap pa rin ikintal sa isipan at nakakaligtaan kaagad. Tuloy ako sa pagrerepaso hanggang sa magtanghaling-tapat. Medyo sumasama muli ang pakiramdam pagkat masakit ang lalamunan at pakiwaring lalagnatin pa kaya di na nagawa pang maipagpatuloy ang pag-aaral at nagpahinga pansamantala. Nang maramdamang medyo umiigi-igi na ang pakiramdam, arangkada muli ang sarili sa dibdiban at puspusang pag-aaral.

12T-J. Nagsagot na rin ako ng Test drills at sa totoo lang, anong hirap ng bawat item na nakakasagupa’t masyadong tuso ang pagkakagawa ng tanong at mga choices, di tuloy maiwasan ang mangamote’t napapaisip na ganito ba kahirap ang magiging Board Exam namin, na parang magkamali ka lang ng maapakan, maari kang mapahamak ng mga nakatagong patibong at ganon na ganon ang pakiramdam kaya kailangan maingat ka talaga sa pag-apak gaya ng pagsagot. Yung pakiramdam na kahit marami ka nang naaral at nabasa, kulang pa rin at di mo maiiwasan ang kabahan. Dahil medyo nahirapan sa pagsagot ng Test drills na halos lumuwa na ang mata, ang resulta ay di kagandahang marka ang natamo subalit ayos lamang pagkat ang bawat pagkakamali’t dapa mo sa buhay ay may matatamong knowledge na siya pa lalong makakatulong sa’yo sa pagkamit ng tagumpay kaya laban lang. Maging sa gabi ay pagsusunog-kilay pa rin ang inatupag ko’t inabot nanaman ng hating-gabi.

77 | 70 Seventy days to go before Christmas.

October 17, 2018
Wednesday

Year VI-290

12T-K. Hindi naging maganda ang gising sa umaga pagkat sinisipon, panay pa ang pag-ungol ni Papa na tila sinasaniban at nawawala sa sarili. Hindi ko mawari kung ano ang nagyayari kay Papa’t walang ibang maramdaman kundi awa. Bukod sa panay ang pag-unol nito na parang bata, panay pa ang pagtawag nito sa akin at masyadong kinaaawaan ang sarili. Sa kabila na may nangyayari nang kakaiba kay Papa sa tuwing magsisipagtulugan kami lalo na kapag umaga, nagagampanan pa rin nito ang mga responsibilidad bilang ama kakit papaano at sana nga’y di na mauwi na kung saan maging siya’y magkaroon ng sakit sa pag-iisip at maisipan din ang pagpapatiwakal. Tila ito na marahil ang taon na pinakamasalimuot para sa akin at nawa’y wala nang ititindi pa. Pagkaalmusal, pagsagot muli ng test drills ang inatupag ko.

12T-L. Anong hirap at sa totoo lang ay nakakasakit ng bungo ang pag-unawa sa mga katanungang masyadong teknikal kaya ang resulta nang maiwasto’y di muli kagandahang marka ang natamo subalit gaya ng sinabi ko’y hindi basehan kung ilan beses kang nadadapa o nabibigo para sabihing talunan dahil ang mahalaga’y di ka sumuko’t naipakita ang lahat ng makakaya sa kabila na mahirap. Medyo sumasakit na ang ulo ko sa kakaaral ng sangkatutak kaya pahinga muna’t tamang libang sa panunuod ng telebisyon para makapag-refresh naman kahit paano. Mga bandang hapon nang maipagpatuloy ko ang pag-aaral hanggang sa gabi at nawa lahat ng pagkukumahog na aking ginagawa’y may mapuntahan. 

76 | 69 Sixty-nine days to go before Christmas.

October 18, 2018
Thursday

Year VI-291

12T-M. Sa kabila na may kinakaharap na suliranin, laban lang pagkat tuloy ang buhay, pasasaan pa’t lilipas din ito pagkat lahat ng bagay sa mundo, may hangganan. Hindi man magaganda ang mga pangyayari, huwag mag-alala’t malulungkot dahil di sa habang panahon na ikaw ay nabubuhay, puro pagdurusa’t kalungkutan ang dadanasin. Maawain ang Diyos at mahal niya ang bawat isa sa atin kaya hindi niya hahayaan na mangyari sa’yo iyon habang buhay at ipapalasap rin niya ang kaginhawaan ng buhay. Kung may kalungkutan at kung may ititindi pa, kapighatian ay may kaligayan din. Pantay-pantay tayong ipinanganak kaya huwag mainggit sa mga nakakaangat sa buhay dahil bawat isa sa atin ay may kinakaharap na problema, minsan pa nga, kung sino pa ang mayayaman at may pinaghahawakan, sila pa nga ang mahihina kapag may problema, paano’y kulang na kulang sa kasanayan at puro ginahawa ang nalalasap at kapansinpansin nga namang karamihan sa mga nagpapakamatay ay mga mayayaman o may kapangyarihan samantalang bibihira lamang ang nagpapakamatay na mahihirap, maliban na lamang kung sadyang mahina’t marupok at di na kaya ang stress ang araw-araw na lamang na kinakaharap.

12T-N. Sa sarap ng aking tulog, tinaghali na sa paggising. Nang makapagkape’y daglian akong nag-aral. Buong umaga, tanging pag-aaral lamang ang inatupag ko’t talaga namang tutok na tutok sa kagustuhang maraming impormasyon ang maiimbak sa kukote’t di mangamote oras na haharap na sa Board exam. Pagkapananghalian, time out muna sa pukpukang pagrerepaso’t baka mabaliw na sa kakaaral ng mga sangkatutak na Disorder at maging Abnormal na, naisipan munang libangin ang sarili sa panunuod ng Telebisyon. Gusto kong magpahinga ng maigi, kaso hindi magawang makatulog ng maayos gawa na kinakabahan na ako’t para bang sinasabi ng sarili na kailangan kong mag-aral.

12T-O.Maigi na rin palang nararanasan ko ang Anxiety dahil bukod sa normal lang ito, lalo pa ko namo-motivate sa pag-aaral at nawawala ang kaba ko kapag nag-aaral kaya maghapon muling tutok ang mata sa pagsusunog-kilay maging sa gabi, wala munang nuod-nuod ng drama’t kailangan ay sakripisyo muna lahat ng naisin at magpapaligaya sa buhay gaya ng pakikipaglandian kung ibig talagang makapasa, di lang sa Board Exam pati na rin sa puso ng taong natitipuhan na hanggang ngayon ay may pagtingin pa rin sa kanya’t baka lalo pa niyang mapansin kung sakaling maging Registered Psychometrician na’t atlis ay halos magkapantay na kami ng katayuan sa buhay. Sa sobrang aligaga ko talaga sa pag-aaral na kulang na lamang ay maging gaga na, saktong nauulinig ko na ang pagtilaok ng mga manok nang mapagpasyahang matulog.

75 | 68 Sixty-eight days to go before Christmas.

October 19, 2018
Friday

Year VI-292

12T-P. Inabutan na ko ni Bukangliwayway na pagkaliwaliwanag nang magising ang lola niyong hanggang ngayon ay kinakabahan lalo na marahil kung sasalang na sa Licensure Board Exam. Patuloy pang namamayani ang kaantukan sa mga mata’t ibig ko pa talagang humilata ng husay at lasapin kung paano ang maging buhay prinsesa kasama ang aking Prince Charming subalit kailangan nang bumangon at itigil ang pag-iilusyon pagkat madami pa akong gagawin at aaralin. Pagkahigop muli ng kape na di na nagawa pang lamnan ang Sinapupunang magdamag na walang laman, diretso agad ako sa pag-aaral at maghapon nanaman marahil ito. Kainis, hirap na hirap pa rin ikintal sa isipan ang aking inaaral at talagang nakakaligtaan oras na malampasan ng mata subalit tiwala naman ako sa Stock Knowledge and Recollection of mind at baka iyon ang magsalba sa akin. Sa sobrang aligaga ko sa pag-aaral, ni hindi na nakakapaglinis ng bahay at kitang-kitang tila inaagiw na ang kisame.

12T-Q. Dahil determinado talagang makapasa o maging Topnotcher kung kakayanin, buong umaga’y nagpakasasa ako sa pag-aaral at sumasakit-sakit na nga ulo sa kakabasa’t analisa. Kinatanghalian, time out muna ulit sa pag-aaral at kailangan ko naman paligayahin ang sarili sa pamamagitan ng panunuod ng Telebisyon. Ibig ko sanang mag-Siyesta muna, kaso di makatulog ng maayos pagkat kinakabahan talaga ako’t iniisip na kapag nagpahinga ako o tumigil, baka bumagsak, siyempre ayaw ko naman mangyari iyon kaya kahit kakaidlip pa lamang ay bumangon na’t ipinagpatuloy ang pag-aaral.

12T-R. Kasabay ng pagkagat ng dilim ang pamamayani muli ng kaingayan sa aming lugar pagkat naglipana nanaman ang mga batang kay dudungis kung pagmamasdan, idagdag pa ang mga malalanding dalagitang walang ginawa kundi tumili habang nakikipagkwentuhan at sa totoo lamang ay sarap nilang sampigahin, panay pa ang pa-charming sa mga tambay na kalalakihan na bukod sa nag-iingay ay wala rin alam gawin kundi magpalaki ng biyas at paitimin ang bibig sa kakahithit-buga ng Sigarilyo, kaya ang resulta sa lugar namin ay tumataas ang insidenteng nabubuntis ang babae sa mura lamang nitong edad. Grabe talaga sa lugar naming, masyadong magulo at maingay na kulang na lamang, maging Tondo na. Di ko naman sila mapipigilan at masasabihan kaya nagtiis na lamang. Tumahimik naman ang paligid pag-apak ng Alas-dyis at sarap nga naman mag-aral kapag tahimik, dapat muna pala’y nasa Batangas ako, mabuti pa roon na kahit boring, tahimik naman at makakapag-isip ka pa ng maayos, maaari mo pang gawin ang nais pagkat liblib at madaming madidilim.

74 | 67 Sixty-seven days to go before Christmas.

October 20, 2018
Saturday

Year VI-293

12T-S.Nakakapanibago lamang dahil hindi na maagang magigising para dumalo sa Review Class at nakaka-miss ang mga naging kasamahan ko lalo na ang mga naging kaibigan. Ganon talaga’t hindi mo mapipigilan ang takbo ng panahon, lalo na ang papalapit na Board Exam. Pagkagising at kahit hindi pa nakakapagmumog ay diretso na sa pag-aaral. Habang abala ako sa pag-aaral, biglang nabulahaw sa ingay ng mga bata. Hindi na pupwedeng parati ko silang pinagbibigyan at kami naman itong palaging nag-a-adjust kaya lakas-loob ko na silang pinagsabihan. Sa halip na mapagsabihan, nang-aasar pa’t tila walang naririnig kaya nanggigil ako’t nagpakita ng bangis sa kanila. Iba na talaga ang mga kabataan sa amin pagkatsadyang wala nang modo at ang babastos pa, talagang walang pinag-aralan. Nasabihan naman sila’t umalis pa nang makitang nagngungumitgit na talaga ako. Bakit pa kasi kailangang mang-asar kapag pinagsasabihan at nakakainis ang ganung klaseng tao.

12T-T. Dahil nagpunta sina Mama at Papa sa ospital para magpa-check-up, inasikaso ko muna ang gawaing bahay at nagsaing na rin. Pagkauwi nila, hindi kagandahang balita ang salubong nila sa amin pagkat bukod sa nakakitaang may Katarata si Papa sa mata, may sakit din ito sa bato, High Blood at Anemic pa. Nakakalungkot dahil samu’t saring problema ang dumarating sa amin at naaawa ako kay Papa pagkat nagkakaproblema na nga ito sa prosesso ng retirement fee, dumapo pa sa kanya ang mga sakit at Diyos na ang bahala sa amin na ngayon ay nahaharap sa mga suliranin na di malaman kung paano malalampsan. Lalo tuloy nade-depress si Papa matapos malaman ang kondisyon nito’t namomoblema muli kung saan kukuha ng pampagamot, lalo na’t wala nang pumapasok na pera’t mukhang magkakaroon na ng Krisis sa pamilya namin na huwag sanang maganap. Idagdag pa ang tumataas na bilihin kaya umaasa na lang sa himala’t baka sakaling makaahon.

12T-U. Mag-aaral sana ulit ako, kaso hindi magawa ng maigi pagkat nuknukan ng ingay sa labas, idagdag pa ang malakas na tugtog ng kapit-bahay, nakaharap pa man din sa amin kaya halos marindi na’t hindi na rin magkarinigan. Hindi mo naman sila masasabihan pagkat Happiness nila iyon at baka mapaaway pa kaya tiis-tiis na lamang at gumawa ng paraan para kahit paano’y makapag-aral pa rin ng maayos. Sa lakas ng tugtog na tipong parang magigiba na ang pader sa dagundong nito, hindi ako makapagpahinga ng maayos. Maging sa gabi’y umaarangkada pa rin ang nakakarinding tugtog kaya hindi talaga makapag-concentrate sa pag-aaral. Maigi na lamang, may ordinansa kami kaya nang sumapit ang Alas-dyis ang paghahari ng katahimikan sa aming kapaligiran. Sige ako sa pagsusunog-kilay kahit lumuluwa na ang mata’t sumasakit na rin ang bungo hanggang hating-gabi. Hindi baleng naghihirap ng ganito kung may patutunguhan naman sa bandang huli’t makakamtan ang kaginhawaan.

73 | 66 Sixty-six days to go before Christmas.

October 21, 2018
Sunday

Year VI-294

12T-V. Kahit anumang pagsubok o problema ang dumating na nagpapahina ng iyong kalooban ay huwag susuko pagkat tuloy pa rin ang buhay, kahit anuman ang mangyari. Boses agad ni Papa ang aking naririnig sa paggising at sa mga sinasabi nito’y talaga namang lumong-lumo’t nawawala na nang pag-asa. Patuloy itong pinangangaralan ng ate pati na rin ni Mama subalit sariling paniniwala pa rin nito ang pinakikinggan at para na nga itong umiiyak. Hindi ko talaga mawari kung bakit nagkakaganoon si Papa’t talagang napakalaki ng problema nito, kayang-kaya namang solusyunan kung magsusumikap lamang at gagawan ng paraan. Sa halip na payuhan ko kung wala naman magyayari, hinaya ko na lamang ito’t Diyos na ang bahala sa kanya, nawa’y magkaroon ito ng kaalinawan ng kaisipan nang sa ganon ay magising na. pagkaalmusal at dahil linggo na lamang ang hihintayin bago ang Board Exam, wala nang inaksaya pang oras at daglian nang nagrepaso pagkahigop ng kape.

12T-W. Dahil may kanya-kanyang pinagkakaabalahan sina Mama samantalang nakaratay lamang si Papa pagkat tila nade-depress na ito, pinagsabay ko na ang pag-aaral at gawaing bahay. Kinahapunan at dahil araw ngayon ng Linggo, naisipan kong magsimba, para humingi na rin ng basbas sa maykapal na mapagtagumpayan ang pagkuha ng Board Exam at tulungan sa mga kinakaharap naming problema sa buhay na tila nagkasabay-sabay. Saktong nagsisimula na ang misa pagkatungtong ng Saint Peter Church at madami na ring tao. Bago umuwi, nagtirik muna ako ng kandila’t nagdasal. Naniniwala ako na ang taong may pananalig sa Diyos, hindi nito hahayaang lumagapak at mapahamak. Dahil wala naman akong pupuntahan pa, kaagad nang umuwi. Kinagabihan, time out muna sa pagrerepaso’t naisipang manuod ng Telebisyon. Kung kailan matutulog na ko, biglang sumama ang pakiramdam at binahing ng sunod-sunod. Hindi tuloy makatulog gawa na sinisipon talaga.

72 | 65 Sixty-five days to go before Christmas.

October 22, 2018
Monday

Year VI-295

12T-X. Halos buong magdamag din hindi makatulog dulot na sinisipon at mukhang magkakasakit ako. Saka lamang nakatulog ng maayos kung kailan pahupa na ang dilim. Sa aking paggising ay hindi muli naging maganda ang dumating na pangyayari pagkat sa hindi inaasahan, muling sinusumpong si Mama. Nawawala nanaman ito sa katinuan at bukod sa nagsisigaw-sigaw at tawag pa nang tawag gaya ng dati, kung ano-ano ang pinaggagawa nito’t nagpapakita talaga ng abnormalidad. Hindi na namin alam ang gagawin sa kanya at awang-awa na ko kay Papa pagkat marami na nga itong pinoproblema’t problema pa namin ang pampagamot sa kanya, dumadagdag pa ang pagiging sumpungin ni Mama, kitang-kita kong tumitindi na ang stress ni Papa’t napapahiyaw na lamang ito.

12T-Y. Pakiramdam ko, para kaming pinagsakluban ng langit at lupa nang panahong iyon pagkat nagkasabay nga ang problema at ang ate, napapaiyak na lamang at nagkulong sa kwarto tangan-tangan ang anak nitong nuknukan sa ligalig. Tumitindi na nga ang tension sa bahay at maging ako’y parang ibig nang umiyak pagkat nade-depress na ng lagay subalit nagpapakatatag at positibo sa buhay. Maya-maya pa, biglang pinagtutumba ni Mama ang mga upuan at pinagkukusot ang mga damit na akala mo’y naglalaba kahit wala namang tubig at sabon. Psychology Student ako subalit hindi mawari kung nagha-hallucinate na ba si Mama pagkat kapag tinatanong mo naman, wala itong naririnig o nakikita nang hindi naaayon sa reality at nakakausap pa ng maayos, kahit kung ano-ano ang mga sinasabi nito. Iyon pala, hindi nanaman pala ito nakatulog at iniinda ang pagsakit ng ulo, panay din ang padyak nito subalit hindi naman ganun kabayolente.

12T-Z. Dahil sa pangyayari, hindi tuloy ako makapag-aral subalit itinuloy pa rin kaysa naman magmukmok at hayaang lamunin ng depresyon, baka mapurnada pa ang mga adhikain at pangarap sa buhay. Ibig na nga namin tumawag ng tulong sa kapit-bahay maging sa mga kamag-anak, kaso kumalma-kalma naman ito kinalaunan at bumabalik na sa sariling bait na siyang ipinagpapasalamat at dalanging huwag nang maulit. Bukod kay Mama na pasumpong-sumpong, inaalala ko rin si Papa at baka matulad din ito pagkat ilang linggo nang sa tuwing magsisipagtulugan kami’y umaatungal ito’t paulit-ulit na sinisisi ang sarili. Huwag naman sanang maganap na parehong magulang ko, nawawala sa katinuan at paano na kaya kaming mga anak kung magkataong. Tama ngang kumuha ako ng kursong Psychology pagkat mga pamilya kami ng sira-ulo. Saka lamang ako nangkaroon ng gana sa pag-aaral nang makitang umaayos-ayos na si Mama at nakakapagluto’t alaga na nga ng apo.

12U-A. Dahil eksakto isang linggo na lamang pala bago ang kinatatakutang Board Exam, mas lalo pang naging puspusan sa pag-aaral at dinidibdib ko na nga kahit di naman kalakihan ang dibdib, sakto lang. Pagpatak ng hapon, time out muna ako sa pagsusunog-kilay at naisipang magtungo sa Computer Shop. Kinagabihan, back to review muli ako matapos bumanat ng hapunan. Hindi naman makapagrepaso ng maayos pagkat nuknukan ng ingay sa labas dulot ng mga batang naglalaro, sa mismong harapan pa ng aming bahay. Pinagsabihan ko na sila, tila teyngang kawali’t nakuha pang mang-asar kaya lubusan akong naimbyerna’t sa sobrang pagkayamot, nagawa ko na silang sigawan at nakapaghagis pa ng gamit. Nagsialisan naman ang mga bata nang makitang naglalangitngit na ko’t subukan lang nilang bumalik at baka maumbagan ng bonggang-bongga kapag di nakapagtimpi. Nagpatuloy ako sa pagsusunog-kilay at hating-gabi na napagpasyahang matulog.

71 | 64 Sixty-four days to go before Christmas.

October 23, 2018
Tuesday

Year VI-296

12U-B. Sarap pa ng tulog ko ngayong hindi pa sumisikat ang haring-araw sa labas subalit nasira, di dahil sa sinisipon o sa pagsigaw-sigaw ni Mama kundi sa pag-atungal ni Papa na tila binabangungot. Magkatabi lamang kami kaya labis akong naririndi’t naiisturbo subalit hinayaan ko na lamang siya at inunawa. Kahapon lang, si Mama ang nawawala sa sarili subalit si Papa naman ngayon at tila nagsasalit-salit lamang sila ng karamdaman sa pag-iisip. Kahit na umaatungal na parang bata si Papa, hindi naman ito gaya ni Mama pagkat nakakagampanan pa rin kung ano ang responsibilidad bilang ama. Maigi na lamang na kahit negatibo mag-isip si Papa at iniisip na lahat na lang ay imposible sa kanya, malakas-lakas naman ito’t hindi hinahayaang magpanaig, sa kabila na may iba pa itong kondisyon. Matapos mag-almusal, hindi na ko nagpatumpik-tumpik pa’t daglian nang ipinihit ang paningin sa pagbabasa sa halip sa larawang hubad ng mga lalaki.

12U-C. Medyo ganadong-ganado ako sa pag-aaral at madali namang naipapasok sa isipan at nagagawa pa ngang ikintal ang inaaral subalit kung magtatanghali na, nawawalan na sa konsentrasyon pagkat pagkain na ang nasa utak sa halip mga mahahalagang impormasyon at kalam na kalam na ang Sinapupunang nangangarap masipingang ninumang maghahangad na batihin ako. Kung kailan luto na ang lalamunin, saka naman umurong ang kagutuman kaya nagtuloy-tuloy ako sa pag-aaral at sige lang hangga’t humihinga pa ang oras at may panahon pa para makapaghanda. Ibig ko sanang gugulin ang sarili sa pagsusunog-kilay sa maghapon, kaso nakakaramdam na ng antok at tinatamad akong mag-aral kapag inaantok o sa tuwing Siyestatime kaya nagpa-beauty rest muna para maganda pa rin kahit Hagardo Versosa na ng tuluyan.

12U-D. Nang makapaghinga’y sige muli ako sa pag-aaral, walang Facebook o kahit anumang Social Media hanggang sa gumabi. Kasabay ng pagngatngat ng gabi ang pagrampa ng kaingayan sa kapaligiran at panay pa ang sigawan habang nagdadagasaan sa takbuhan kaya ang resulta, hirap akong ituon ang isip ang inaaral at nayayamot muli. Pinagsabihan ko na subalit wala pa rin at tuloy pa rin talaga sa pag-iingay pero nang si ate na ang magsaway ay sindak sila’t saka nagsipagtigil at uwi sa bahay subalit hindi pa roon natatapos pagkat maya-maya pa’y bumalik sila’t naghahasik muli ng kaingayan. Ibang klase na talaga ang lugar namin, hindi pangkaraniwan ang ingay at ikakairita mo pa, para ka nang nasa Tondo. Di tulad dati na tahimik at kung may mag-ingay man, nasasabihan pa pero ngayon mga teyngang kawali’t nakukuha pang mang-asar, sarap pag-aasbaran. Sa totoo lamang ay nanggigil talaga ako’t ibig na ibig ang magwala. Tumaimtim naman ang kapaligiran pagsipa ng Alas-dyis at ronda ng mga barangay tanod kaya nakakapag-aral at isip na ng maayos. As usual at dahil sanay sa puyatan at malapit na malapit na ang Board Exam, kalagitnaan na ng gabi nang mapagpasyahang matulog.

70 | 63 Sixty-three days to go before Christmas.

October 24, 2018
Wednesday

Year VI-297

12U-E. Ginising muli ako ng aking uhog na pagkalapot-lapot, kasing lapot ko kahit hindi halata’t bukod sa sinisipon, sumisipol ang aking dibdib. Mukhang dumadalas ang pagkakaroon ng sipon subalit gayunpaman, nagpapasalamat dahil hindi naman nauuwi sa pagkakasakit, lalo na’t nalalapit na an gaming Board Exam at hindi ako maaaring magkasakit ngayon. Dahil wala pang trabaho, bandang Alas-otso na napagpasyahang bumangon at kaagad nag-aaral pagkalagok ng kape. Bukod sa pag-aaral ay nagtinda rin ako’t nakakalungkot lamang pagkat wala nang halos kalaman-laman ang tindahan kaya ang resulta, pailan-ilan na lamang ang bumibili. Mukhang naghihirap na kami subalit ngayon lang ito’t di habang-buhay na mararanasan. Nagpatuloy ako sa pag-aaral hanggang sa magtanghali. Tatangkain ko sanang hindi matulog at gugulin ang sarili sa pag-aaral maghapon subalit hindi ko talaga kaya’t hirap mag-aral kapag inaantok ka, walang pumapasok sa isipan kaya nagpahinga muna. Hindi naman makatulog ng maayos gawa na kinakabog ng kaba’t parang sinasabi ng utak na huwag muna ako magpahinga, kailangan tuloy-tuloy lang at baka kapusin sa oras at karamihan sa mga lumabas ay di pa naaral.

12U-F. Sobrang Anxious ko na talaga ngayong nalalapit na ang Board Exam at hindi na rin mapakali. Saglit lamang akong natulog at pagkabangon na pagkabangon kahit hindi pa nakakapagmumog ay kaagad nang ipinagpatuloy ang pag-aaral, hindi susuko’t lalong hindi aayaw. Maging sa gabi’y abala pa rin ako sa pag-aaral at hirap nanaman makapag-concentrate dulot na namamayani muli ang kaingayan at hindi na masumpungan ang katahimikan. Aminado akong maingay na nilalang, sa mga taong nakakaintindi’t kinig sa akin subalit ayaw na ayaw ko ang masyadong maingay, lalo na ang hiyawan at sigawan, nakakairita! Kahit hirap na hirap makapag-concentrate dahil determinado ang magkaroon ng lisensya’t tanghaling Registered Psychometrician, hinayaan na lamang sila’t ipinagpatuloy ang pag-aaral. Bandang Alas-onse nang napagpasyahang matulog.

69 | 62 Sixty-two days to go before Christmas.

October 25, 2018
Thursday

Year VI-298

12U-G.Sa sobrang abala mo naman, dami pa ng iniisip at bilis na rin ng panahon, hindi mo namamalayang apat na araw na lamang pala, sasalang na kaming mga Aspirant Psychometrician sa Board Exam. Sa halos limang buwan kong pag-aaral, handang-handa na sa darating na Board Exam subalit di pa rin mapigilan ang kabahan, lalo na’t lingid sa kaalaman kung ano-ano ang lalabas at dalanging hindi ako mahirapan at makapili ng tamang sagot. Sa kaba ko, wala nang sinayang na oras at kaagad nang nag-aral pagkabangon. Pagsagot muli ng Test drills ang inatupag ko’t di pa ito actual na board exam ang aking kaharap subalit iba na talaga ang nararanasang kaba at nanginginig na ang mga kamay dulot ng kaba kaya ang resulta, nahihirapan na sa pagsagot. Sa hirap ng sinasagutang Test Drills, nananamlay na marka ang aking tinamo subalit ayos lang dahil sa oras na ikaw ay nadadapa, may natutuhan ka.

12U-H. Matapos magsagot ng pagkahirap-hirap na Test drills at dahil wala pa namang nalulutong ulam, sinamantala ko muna ang oras sa pagrerepaso para marami pang impormasyon ang matutuhan. Halos buong maghapon, walang ibang inatupag kundi magrepaso’t magsagot ng Test Drills at sa totoo lamang ay nakaka-stress subalit kinakaya cause I’m motivated at maigi nang ganun para marami pa kong mapag-aralan at tumaas ang tiyansang makakapasa. Handang-handa na talaga akong kaharapin kung anuman ang commitments bilang Psychometrician, makapasa lang. kung di man papalarin, ang mahalaga’y ginawa ko ang lahat ng makakaya at di sumuko. Maging sa gabi at dahil medyo sinisipag-sipag ng lagay ay pagsusunog-kilay pa rin ang inatupag at medyo sumasakit-sakit na ang bungo sa dami ng impormasyong kailangang iimbak nang sag anon ay hindi aanga-anga oras na kaharap na ang Test Questionaire ng Board Exam. May kalaliman na rin ang gabi nang mapagpasyahan kong matulog.  

68 | 61 Sixty-one days to go before Christmas.

October 26, 2018
Friday

Year VI-299

12U-I. Dahil may lakad kami ngayon ni Mama para puntahan angHoly Trinity Academy,eskwelahan kung saan ako nakadestino para pagdarausan ng exam, maaga akong nagising. Pagkaalmusal at sa halip na pagbuklat ng mga Test drills ang atupagin ay daglian nang naghanda-handa’t bihis. Hindi naman gasinong trapik at mga tatlong sakay lamang mula sa amin kaya kaagad kaming nakarating doon. Pagkaapak ng Holy Trinity Academy, tahimik at may ilan-ilan ding ang dumarating na marahil ay kukuha rin ng Board Exam sa Lunes. Bukod sa ito’y eskwelahan, may simbahan din doon kaya pwedeng-pwedeng magsimba o magdasal muna bago isabak ang sarili sa examination kaso sarado naman iyon. Hindi naman gasinong kalakihan ang paaralang iyon kaya kaagad din natunton ang silid kung saan ako kukuha ng exam.

12U-J. Dahil wala nang gagawin pa, di rin kami nagtagal doon ni Mama. Bago umuwi at dahil kapwa kumakalam na ang Sikmura, kumain muna kami sa KFC. Pagkauwi’t sa pagod na rin, kaagad akong natulog. Pagkagising ay nagitla ako nang husto nang may nagsabi na isa sa aking kamag-aral na kailangan daw ng Metered Envelope sa Board Exam. Saktong di pa ko nakakakuha niyon at babalakin sanang bukas na lang iyon asikasuhin, kaso Sabado bukas at paniguradong walang opisina ang PRC kaya no choice kundi magtungo roon.

12U-K. Nuknukan sa trapik ang lansangan na bukod sa ikaiirita mo’y ikabubwisit mo pa sa kabagalan ng usad kaya dalawang oras din akong nasa biyahe bago makarating ng Robinson Novaliches. Pagkatungtong ng PRC, sinabi ng mga nangangasiwa na sa Morayta Branch pa makakabili ng Metered Envelope subalit ikinagalak ko ang sumunod pa nilang sinabi pagkat pwede raw bumili niyon sa mismong testing area. Wala pa kong balak umuwi kaya nagbasa-basa muna ako at namasyal-masyal na rin. Bumili na rin ng mga kakailanganing materials. Dahil nasarapan ang aking paggala sa mall, ginabi na sa pag-uwi. Pagkalamon ng hapunan, halabira muli sa pagsusunog-kilay hangga’t humihinga pa ang oras. Sa sipag ko kahit nagkakaroon na ng Eye Bag na akala mo’y inumbag, ianabot nanaman ng hating-gabi sa pagtulog.   

67 | 60 Sixty days to go before Christmas.

October 27, 2018
Saturday

Year VI-300

12U-L. Lalo pang umigting ang kaba, lalo na’t dalawang araw na lang ang hihintayin, Board Exam na naming at para bang Bagyo ang Board Exam na habang ito’y palapit nang palapit, patindi nang patindi ang hangin, ganun din ang kaba na pasidhi nang pasidhi. Nakakakaba dahil di ko alam kung ano mga lalabas at kasali ba dun ang mga inaral ko. Gayunpaman, umaasang mapagtatagumpayan ko ito, manalig lamang at magtiwala. Pagkaalmusal, pagrerepaso ulit ang inatupag ko’t palaging iyon ang gagawin hanggang sa matapos ang Board Exam at hindi bale, kapag nairaos ito’y magre-relax na ko ng tuluyan at mamahalin at alagaan na rin ang sarili kasama na rin ang lisensiya, sa aalagaan ko. Wala akong ibang inatupag sa buong umaga kundi magpakahirap sa pagrerepaso kahit umaalingawngaw ang ingay sa labas at nakakaurat pa ang patugtog ng mga kapitbahay.

12U-M. Nang di ko na makaya ang ingay, lakas loob ko nang pinagsabihan subalit wala pa rin at patuloy pa rin sila sa ginagawa. Naghanap na lamang ako kung saan tahimik nang makapagrepaso ng maayos. Ilang oras na kong nagrerepaso subalit wala ni halos pumapasok sa isipan at nakakadismaya pa ang nakukuhang marka habang sumasagot ng mga Test drills. Hindi ko man naiibigan ang mga pangyayari pagkat maingay, tiyaga-tiyaga’t may patutunguhan din ito. Wala akong ibang inatupag sa buong maghapon kundi mag-aral at kinagabihan, lalo pang umigiting ang ingay. Kanina pa ko iritable sa kanila kaya di na nagawa pang makiusap ng maayos at kinompronta na.

12U-N.Lalo pa kong naimbyerna nang sagot-sagutin pa ko ng bata’t nakaka-Beast Mode! Sa yamot ko, di na napigilan ang sariling pagtaasan ito ng boses subalit di naman nauwi sa palitan ng lakas. Nawalan na ko ng gana sa pag-aaral kaya nanuood na lamang ng Telebisyon. Naging interested sa akin ang natunghayang palabras sa Maala-ala mo Kaya pagkat patungkol iyon sa babae na may karamdaman sa pag-iisip na kung tawagin ay Schizophrenia. Dahil may kaalaman ako sa ganung sakit, ramdam na ramdam at nauunawaan ko kung gaano siya nahihirapan subalit lumaban pa rin ito’t di sumuko at itinuring pa rin na normal ang buhay sa kabila na may panahon na sinusumpong siya. Matapos manuod at sa kaantukan, karakaraka nang natulog.

66 | 59 Fifty-nine days to go before Christmas.

October 28, 2018
Sunday

Year VI-301

12U-O. Nagising nanaman ako dulot ng sipon at nangangambang baka magkasakit, lalo na’t bukas na gaganapin ang aming Board exam. Sa sama ng pakiramdam ko, makailang ulit din sa pagbahing at madaling araw pa lamang subalit hindi na makatulog. Nakatulog naman ako kung kailan pasikat na ang araw kaya ang resulta, mga dakong Alas-nuebe na nagising at patuloy pa ring sinisipon. Sa kabila na sinisipon, nagrepaso pa rin ako’t inaral kung ano pa ang hindi naaaral, ngayong oras na lamang ang bibilangin at Board exam na. dahil sinisipon talaga ako’t panay pa ang pagbahing, nawawalan na ng ganang mag-aral at ibig ay humilata sa higaan subalit hindi maaari’t lalo akong tatamarin. Nang makapagpananghalian ay saka lamang ako nahiga’t nagpahinga. Di naman makatulog dulot na may mga kabataan nanamang naghahasik ng kaingayan na nakatambay sa harapan ng aming bahay.

12U-P. Nakakaubos na talaga sila ng pasensiya’t kung mapapansin ay sila-sila lamang ang tumatambay at nag-iingay kaya kapag di ako nakapagtimpi’y di na magdadalawang isip na ireklamo sa tanod nang matapos na pagkat nakakasawa na ang kaingayang dulot ng mga walang modo! Dahil araw muli ng Linggo, naisipan naming ni Mama na magsimba. Pagkadako ng Saint Peter Church, di na mahulugang karayom ang dami ng tao. Habang nasa simbahan at misa, naisipan ko na ring magdasal ng buong loob, umaasang tumaas ang tiyansang pumasa sa Board Exam kapag dumudulog sa maykapal at siya na talaga ang bahala sa amin, nawa’y walang maganap na aberya bukas at makasagot ng maayos at tama.

12U-Q. Matapos ang misa, tumungo kami ni Mama sa Ever Gotesco Mall upang mamili ng materials na kakailanganin sa Board Exam. Bago umuwi’y namalengke muna kami’t habang namamalengke, saktong namataan si Tita Susan. Kasabay namin ang Tita Susan sa pag-uwi’t dahil masibang nilalang, pagkain agad ang hanap-hanap ko. Kinagabihan, magkahalong kaba at pananabik ang nararanasan pagkat di akalaing bukas na an gaming Board Exam at di na ito mapipigilan. Nawa hindi ako mailto at mahirapan sa mga katanungang aking sasagupain bago makamit ang lisensya’t naniniwlang hindi pababayaan ng Diyos basta panatilihin lamang ang pananalig sa kanya.

65 | 58 Fifty-eight days to go before Christmas.

October 29, 2018
Monday

Year VI-302

12U-R. This is it, abot-kamay ko na’t magkahalong kaba at sabik ang nadarama ko. Sa takot na mahuli at mapurnada ang pagkuha ng exam, Alas-kwatro pa lamang ng madaling-araw ay bumangon na ko’t nag-almusal. Saktong hindi naman gasinong katrapik sa lansangan kaya Alas-sais pa lamang nang makaapak ako sa Holy Trinity Academy. Habang papalapit ang yapak ko sa mismong testing room ay para akong ginagapang ng kaba’t ibang klase ito pagkat mas matindi pa kung ikukumpara sa tuwing may Defense kami ng Thesis o di kaya habang may pag-uulat ako sa klase, nag-uumapaw ang kaba’t para na kong maiihi. Pakiramdam ko nang panahong iyon kahit hindi pa kaharap ang test questionnaire, parang babagsak na’t bumibilis na ang kabog ng dibdib. Sa kaba ko, bago pumasok ng room at dahil may Simbahan naman doon ay nagdasal muna ako. Nang maging handa na ko, saka lamang napagpasyahang tumungo ng testing room. Saktong may nagbabantay ng watcher pagkaapak ko ng silid at ako na lamang pala ang hinihintay. Dahil dakong Alas-otso pa magsisimula ang pagsusulit, nag-fill-up muna kami ng Information Sheet.

12U-S. Nagkaroon lamang ng aberya pagkat nagkamali ako ng lagay sa application number, dulot na rin ng namamayaning tension sa dibdib. Di pa iyon natapos pagkat nang kuhain ang aming mga Metered Envelope, sa di inaasahan ay ibinalik sa akin ng Watcher, iyon pala’y peke ang ipinasa ko’t kailangan ko pa tuloy bumili ng panibago. Kainis at di na lamang pala dapat bumili sa mga nagbebenta sa labas. Wala kaming ibang pinagkaabalahan kundi asikasuhin ang mga requirements at pagpatak ng Alas-otso ang pormal na pagsisimula ng exam. Habang isa-isan nang ibinibigay ng Watcher ang Test questionaire ay para na kong sinisipa ng kaba’t ayaw munang tingnan kung ano ang laman ng questionnaire. Theories of Personality ang una naming pagsusulit ngayong araw at nang magkaroon ng lakas ng loob ay saka lamang tiningnan.

12U-T. Sa unang bahagi, madali-dali lamang at confident sa sagot kaya nagagawa ko pang ngumiti’t ginaganahan pero nang dumako na sa kalagitnaan, nga-nga na pagkat puro out of this world na ang lumabas at di malaman kung saang planeta hinugot ang mga tanong. Kahit pigain ko na ang utak, wala pa ring makuhang ideya kaya ang resulta’y di na maiwasang manghula’t napapahawak na lamang sa dalang rosary bago sumagot, ipinapanalangin na kahit hinulaan lamang ay nawa’y tumumpak pa rin. Di rin maiwasang pangdudahan habang namimili ng sagot at sa sobrang kaba ko, hindi na makasagot ng maayos dulot na nangininig ang mga daliri’t halos lahat na nga ng santo, hingan na ng tulong habang nag-iisip ng isasagot.

12U-U. Sangkaterbang pagsusulit na ang aking hinarap magmula ng bata pa lamang nang hindi naman tumaataas ang tension at ayos-ayos pa subalit iba talaga itong Board exam na kailangang seryosohin at bukod sa pag-iisipin ka ng husto, paiiyakin ka pa pagkat karamihan sa mga lumabas, di ko pa narerepaso o nabasa man lang. Kahit medyo nahirapan ako sa exam, dalanging maipasa pa rin. Dalawang oras din ang aking binuno bago matapos sa pagsagot. Dahil mamayang Ala-una pa ang susunod na pagsusulit, lumabas muna ako’t kumain. Nakakalungkot dahil walang kakilala pero habang naglalakad ako, saktong namataan sina Yvonne. Natutuwa ako dahil may kakilala na’t tamang kwentuhan lang sa kanila para matanggal ang stress na dulot ng nagdaang pagsusulit.

12U-V. Maya-maya pa’y nagpaalam na kami sa isa’t isa. Bago magsimula ang sumunod na pagsusulit, may pinagawa pa sa amin ang mga Watcher. Nagkaroon muli ng panibagong aberya pagkat ang daming ipinapabago sa akin ang watcher. Mabuti na lamang, mabait ito at sa katunayan ay tinulungan pa niya ko. Ilang sandali pa nang magsimula ang pagsusulit. Psychological Assessment ang sumunod naming pagsusulit at kung kanina, nakukuha ko pang ngumiti pero ngayon ay di namamait na ang mukha pagkat anong hirap ng exam at masyadong tuso ang pagkakagawa ng mga tanong maging choices. Sa bawat pagsagot ko’y nagagwa nang diinan ang pagyapos sa Rosaryo’t sa totoo lamang, di ko na napansing nagiging madasalin na, sa hirap ba naman kasi ng pagsusulit at sa kagustuhan talagang pumasa kahit buwis buhay ang hirap. Lalo pang nahirapan sa pagsagot pagkat namamayani na ang antok subalit nilabanan ko’t sige pa rin sa pagbabasa ng pagkahaba-habang katanungan na bukod sa mahaba’y napakakumplikado pa ng detalye.

12U-W. Grabe at ganito ba talaga kahirap ang Board exam ng Psychometrician na kahit limang buwan mong sinanay at inihanda ang sarili, wala pa rin at mapapakamot ka pa rin ng ulo, iisipin mong maaari kang bumagsak. Nang tatlumpung minuto na lamang ang nalalabi at dahil di pa nakakapaglipat ng sagot sa answer sheet, medyo na-pressure ako sa pagsagot at nakaka-hassle. Bandang Alas-kwatro nang matapos ang pagsusulit at bago umuwi, nagtungo muna ako ng Quiapo Church at nagdasal. Sa kagustuhan ko talagang pumasa maging mga kaibigan na rin pagkat di biro ang hirap at pagod na pinagdaanan ng bawat isa sa amin, maging Poong Nazareno na pinipilihan ng masa, nagawa nang sambahin at hinalikan pa nga, pagkat desperado na talaga. Dulot na lubhang trapik sa lansangan, ginabi na ko sa pag-uwi. Medyo pagod-pagod na ko’t sumasakit na rin ang ulo dulot ng aking binuno sa makapigil-hiningang Board Exam, di na nagawa pang magrepaso’t diretso pahinga na.

64 | 57 Fifty-seven days to go before Christmas.

October 30, 2018
Tuesday

Year VI-303

12U-X. Pangalawang araw ng aming pagsusulit at dalanging may natitira pang lakas para kayanin ang natitira pang pagsusulit. Pagkaapak ng Holy Trinity Academy, saktong wala pang watcher at iilan pa lamang kami ang naroroon. Hindi tulad ng kahapon ang nararanasang kaba pagkat hindi na ito kasing tindi, marahil ay nasanay na ko o sadyang iniisip na kakayanin ko talaga ito. Ilang sandali pa nang pumasok na ang aming watcher at bandang Alas-otso nagsimula ang pagsusulit. Abnormal Psychology ang exam namin at hindi gaya ng kahapon na halos lumuwa na ang mata sa kakaisip ng isasagot pagkat may madali lamang ito. Sa tatlong subject na aking kinuha, sa Abnormal Psychology lamang nadalian at nawa’y madali rin ang susunod na pagsusulit.

12U-Y. Kahit nadadalian ako, duda pa rin sa mga sinasagot pagkat batid kong masyadong tuso ang pagkakagawa ng pagsusulit at kailangan mo talagang makasiguro. Sa dali ng pagsusulit, wala pang dalawang oras nang matapos ako at mukhang subject na ito ang magsasalba sa akin, sana nga. Kasama muli sina Yvonne ay kumain muna kami sa labas. Dahil sa may paparating na bagyo, may kasungitan na ang panahon at pabugso-bugso na ang malakas na hangin at may ulan na rin, kaya ang resulta’y nahirapan kami sa pagbiyahe pabalik. Industrial Psychology ang sumunod naming pagsusulit at hindi ito gaya ng Abnormal Psychology pagkat may kahirapan na ito subalit sakto lang at di naman ito gaya ng kahapon na mapapakamot ka ng ulo sa pagsagot at mapapahawak pa sa rosaryo subalit kailangan maging wais pa rin sa pagsagot.

12U-Z. Wala pang Alas-tres nang matapos ako sa pagsagot at kahit nairaos ko na ang aming board exam, di pa rin kailangang magdiwang pagkat sa next week na malalaman ang resulta’t nawa’y maging maganda ang resulta. Kahit nag-uulan-ulan at may hangin pa dulot ng Bagyong Rosita ay tumungo pa rin ako ng simbahan para magdasal. Umaasa akong didinggin ng Diyos ang aking mga panalangin pagkat naniniwala akong ito’y mahabagin. Sa kabila na may kasungitan ang panahon ay ligtas pa rin ang nakauwi sa bahay. Kinagabihan ay ngayon lamang makakapag-relax ng husay matapos ang ilang buwang pakikibaka sa pag-aaral at magagawa ang naising gawin. Medyo pagod na ko kaya di na nagawa pang magpuyat.

63 | 56 Fifty-six days to go before Christmas.

October 31, 2018
Wednesday

Year VI-304

12V-A. Bisperas ng Undas at nakakapanibago lamang dahil sa tuwing matatapos ako mag-agahan, mag-aaral na agad subalit ngayong tapos na ang aming Board Exam, di ko na iyon kailangang gawin at nakaka-miss yung mga sandaling hawak-hawak ko ang mga Test Drills at Book Reviewer, maging mga nakasama ko sa RGO Review Center. Kay bilis nga naman ng panahon at di akalaing nairaos namin ng matiwasay ang Board Exam at nawa’y magkabunga nga ang lahat ng hirap at sakripisyong ginawa namin. Natapos nga ang Board Exam subalit di pa natatapos ang kinakaharap na problema pagkat iniinda ni Papa ang pananakit ng tuhod nito, dulot na marahil ay nirarayuma muli ito’t nanlalabo pa raw ang kanyang paningin.

12V-B. Walang ibang maramdaman kundi habag habang pinagmamasdan si Papa at dalangin ko na tulungan ito ng maykapal sa mga kinakaharap nitong suliranin at huwag pababayaan. Gusto ko sanang samahan sina Mama at Papa sa pagpapatingin nito sa ospital, kaso kaya na raw nila’t wala sanang mangyaring hindi kanais-nais. Dahil walang magawa’t nababagot ng lagay, nanuod na lamang ako ng Telebisyon. Pagpatak ng hapon at kahit nakapagpanaghalian na ay nakaramdam ako ng gutom. Gustuhin ko man mangupit sa tindahan gawa na hindi na matiis ang gutom kaso, kakapirambot na lamang ang pera gawa na ilang araw nang sarado, itinulog ko na lamang ang naturang gutom.

12U-C. Tama nga si Papa, naghihirap na nga kami pagkat nagagawa nang tiisin ang gutom subalit sa halip na mukmok ay gumawa na lamang ng paraan para may malamnan sa Sikmura. Malapit nang gumabi subalit di pa rin dumarating sina Mama kaya di na mapigilan ang mag-alala. Kung kailan abala ako sa pagluluto ang pagdating naman nila bitbit ang panghapunan. Kinagabihan, heto muli ang mata na magpapakasasa sa panunuod ng Telebisyon. Di pa ko makatulog kaya tamang online lamang muli sa Social Media at stalk na rin account ng taong pinipintig ng Puso kahit sabihing kailangan nang mag-move on. Nang dapuan ng antok sa mga mata, siyempre kailangan nang matulog at nawa’y makita ko siya sa panaginip at magkatotoo pa.

62 | 55 Fifty-five days to go before Christmas.