Biyernes, Agosto 31, 2018

68. August 2018 Journal (Day 2039-2069)

August 01, 2018
Wednesday

Year VI-213

12K-J. Walang kamalay-malay ang isipan na Agosto na pala’t nakakaba na may halong pananabik na rin pagkat dalawang buwan na lamang ang hihintayin, Board Exam na. Nagising na lamang ako dahil sa malakas na pag-uusap nina Mama na parang seryoso at kahit gising na ang lahat sa kasamahan maging si Baby Anya na pinagkakausap na, nagpatuloy pa rin sa pagtulog dulot na inaantok pa. Bandang Alas-otso nang mapagpasyahang bumangon at pagkaalmusal, kara-karaka nang nagrepaso’t tinda. Gaya nitong mga nakalipas na araw o linggo, hindi talaga biro para sa akin ang mag-aral at magkabisado nang sangkatutak subalit di naman ugali ang sumuko kaagad kaya nagpatuloy ako’t tila walang makakapigil ninuman. Habang abala ako sa pagrerepaso, narinig na lamang na parang may diskusyong nagaganap sa pagitan nina Mama at Ate.

12K-K. Sa una’y binalewala ko kung anuman ang kanilang pinag-uusapan pero nang mawaring ako ang pinag-uusapan at parang ako ang pinatutungkulan ng ate sa kanyang paglalangitngit, nabalot agad ng yamot ang nasa loob na siyang nagtulak sa akin para harapan itong komprontahin. Nagsisi lamang ako’t napahiya nang mabatid na hindi ako ang kanyang pinatutungkulan pero nagulat nang sabihin ni Mama ang patungkol sa napag-usapan nila ng Tita Susan na ikinasama ng husto ng loob ng ate. May punto naman ang Tita Susan sa mga sinasabi nito laban kay ate subalit hindi na dapat pa ipinarating ni Mama sa kanya pagkat sa halip na makabuti’y lilikha lamang ng away at gulo. Mistulang nagbabagang uling ang ate habang binubulalas nito ang hinanakit kay Tita Susan matapos ang kanyang mga nalaman at kung pagmamasdan ay talagang nasaktan ito kaya di na napigilang makapagbitaw ng kasumpa-sumpang salita. Hindi ko mawari kung ano ang pumasok sa isipan ni Mama at nagawa niya ang bagay na hindi karapat-dapat.

12K-L. Pakiramdam ko nang panahong iyon, may kakaiba muli kay Mama pagkat bago pa iyan, nitong mga nakalipas na araw ay napansin kong hindi pagkaraniwan ang kanyang kinikilos. Sana mali ang nasa isipan na baka bumabalik muli ang kanyang sakit. Hirap akong unawain kung bakit nagawa iyon ni Mama kay Ate at sa halip na mangamba, nakuha pa nitong ngumiti na siya pa lalong nagpalakas sa aking kutob na nawawala muli sa katinuan si Mama. Habang lumilipas ang sandali’y painit nang painit ang sagutan nina Mama at Ate hanggang sa padabog na itong pumasok ng kwarto bitbit ang walang kamuwang-muwang na sanggol sa sinasapit ng kanyang ina. Bata pa lamang talaga kami ng Ate Leslie, pansin ko nang malayo ang loob nito kay Tita Susan, kahit ninang niya ito. Maging ako rin naman na simula nang magkatrabaho siya ay doon na nagsimulang lumayo na ang loob sa kanya pagkat pansin kong nagiging mapagmataas at matapobre na ito, di gaya dati nung wala pa siyang trabaho na higit pa sa kapatid ang samahan naming dalawa.

12K-M. Palibhasa’y naimpluwensyahan na siya ng mga katrabaho nito at hindi ko maipaliwanag kung bakit karamihan sa atin, kapag nagkatrabaho na o may narating, nagiging mapagmataas na, porket ba sila ang nagpapalamon at tumutustos sa lahat ng pangangailangan, may karapatan nang manumbat at maging mapagmataas, parang gusto nila’y galangin pa rin sila kahit nakakapanakit na ng damdamin! Parang gusto nila’y sila pa rin ang tama at pakiramdam na kontrolado na ang lahat dahil may umiikot ng pera sa kanilang palad! Nakakainis ang ganong klaseng pag-uugali! Kaya nauunawaan ko ang Tita Susan sa mga sinabi nito’t para mabatid na rin nito na kahit may narating na sa buhay o wala, maging mapagkumbaba pa rin at matutong lumingon sa pinanggalingan.

12K-N. Nawalan na tuloy ng ganang mag-aral dahil sa pangyayaring iyon. Kinahapunan at dahil nakakasawa nang magrepaso, naisipang maglaba. Kinagabihan nang sipagin ako sa pag-aaral. Natapos nga ang lamay at hindi na rin tumatambay ang malalanding Pabebe sa amin, pumalit naman ang mga batang nuknukan sa kakulitan at kaiingay, mas malala pa pagkat hirap pagsabihan. Sa muling pagkakataon ay nahirapan muli ako sa pagrerepaso. Hindi mo naman makokontrol ang mga pangyayaring hindi mo ninanais kaya ako na lang ang mag-a-adjust. Kung kailan nakamtan na ang katahimikan at may pagkakataon na para makapag-aral ng maayos, saka naman sumanib ang antok sa mga mata kaya nahihirapan pa rin. Hindi ko pa talaga ibig matulog kaya gumawa ng paraan para mawala ang antok subalit hindi tumatalab, naisipang ipagpabukas na lamang ang inaaral.           


August 02, 2018
Thursday

Year VI-214

12K-O. Maliwanag na sa labas nang magkamalay ang katawang lupa na kagagaling lamang mula sa pagkahimbing. Nang makapagkape’y pagsusulat ng kwento at pagtitinda ang inatupag ko. Kahit paano, gumagana ang aking imahinasyon kaya ganadong-ganado sa pagsusulat at nakatulong pa ang manaka-nakang bumibili para ako ay magtuloy-tuloy. Sa sobrang abala sa pagsusulat ng kwneto, hindi ko nanaman namamalayan ang oras at Alas-dyis na pala. Pagkapananghalian, pagrerepaso naman ang aking pinagkaabalahan at kainis pagkat hirap muli ipasok sa isipan ang inaaral, madalas makaligtaan at hirap din umunawa. Marahil ay kailangan muna ng pahinga kaya pagpatak ng Ala-una ay naisipan kong mag-beauty rest. Napasarap ang tulog ko kaya bandang Alas-singko na nagising at diretso agad sa panunuod ng Telebisyon. Nakakaalarma ang mga balita pagkat kaliwa’t kanan na ang nagaganap na krimen gaya ng nakawan, holdap at patayan.

12K-P. Ultimo na wala naman ginagawa, nadadamay sa katarantaduhan ng masasamang loob. Bukod sa droga na hindi masugpo-sugpo ng administrasyon pagkat tila wala silang katinag-tinag ay lumalala na rin ang kriminalidad at nakakabahala kung iisipin kaya marahil, nararapat nang ibalik ang Death Penalty nang sa ganon ay maging babala sa mga magtatangkang gumawa ng masama. Nang magsawa ang mata sa kakapanuod ng Telebisyon, heto muli ako’t magpapakasasa sa pagsusunog-kilay kahit di naman tumatatak sa isipan ang inaaral. Balot muli sa kaingayan ang buong kapaligiran kaya ang resulta, hindi makapag-concentrate at gumawa na lang ng paraan. Hindi pa inaantok kaya balak pa sanang magpakapuyat sa pag-aaral, kaso parang sinasabi na ng sarili na mahiga ka na.     


August 03, 2018
Friday

Year VI-215

12K-Q. Madaling-araw na subalit hindi pa rin ako makatulog-tulog sa hindi malamang dahilan. Dala na tinamaan ako ng Insomnia, bumangon muna’t naisipang mag-aral. Yung ganadong-ganado ako sa pag-aaral at gumagana ng maayos ang utak, nagkaaberya lamang nang biglang magloko ang Laptop. Ginawa ko na ang lahat ng naisip na paraan, kaso hindi talaga gumagana. Kainis pagkat tila palaging may humahadlang sa aking pag-aaral, bukod sa nagloko bigla ang Laptop, nawawala pa ang aking mga Test Drills na siyang magsisilbing reviewer ko kaya na di mapigilang ma-stress dulot na problemado, hinihiling na sana’y mahanap na iyon. Gawa na nagkaaberya ang Laptop pagkat doon lamang ako nagrerepaso, Nawalan na ko ng gana kaya kahit may naiisip na paraan para tuloy-tuloy pa rin sa pag-aaral, mas pinili ko na lamang ang matulog. Napasarap ang tulog ko kaya pagkagising na pagkagising, ganap na palang sumapit ang Alas-otso.

12K-R. Nanatiling nagloloko ang Laptop kaya di ako makapag-aral kaya napagpasyahan nang ipaayos kay Kuya Denver subalit sarado pa ang kanilang bahay kaya kay Kuya Boyet na lamang naisipang ipaayos. Saktong may pinagkakaabalahan daw ito kaya habang ito’y hinihintay, tamang kwentuhan at kamustahan lang ako kina Auntie Caling at Tita Haydee. Ilang sandali pa nang bumaba ito’t na-elib ako ng lubos pagkat wala pa nga siyang gaanong ginagawa sa Laptop ko, nabuksan nito’t di mawari kung paano niya naibalik sa dati. Gayunpaman ay natutuwa ako pagkat ayos na ang aking laptop at pagkauwi, wala nang ano-ano pang nagsunog-kilay. Dahil nasa ospital sina Mama at Papa, ako ang namahala sa aming tindahan sa maghapon. Kahit aandapap-aandap na ang mata dulot ng pagkaantok ay hindi maaring matulog, gumawa ako ng paraan para mawala ang antok at di naman nabigo. Buong maghapon akong namahala sa tinadahan at nagrepaso.

12K-S. Bago pa man sumapit ang gabi nang makauwi sina Mama galing ospital bitbit ang mga pasalubong kaya bwenas na bwenas muli ang sikmura’t mukhang hindi na makakapaghapunan pa. Maya-maya at habang aligaga kami ni Mama sa pag-aalaga’t bantay kay Anya na muling nagliligalig, bigla-bigla na lamang kinompronta ng ate si Mama dahil iniisip nito na pinababayaan niya ang bata. Nangatwiran si Mama at sinabing naroroon naman ako para magbantay sa bata habang siya ay nagluluto at ikinasama ng loob ang sinabi ng ate pagkat hindi raw ako maasahan. Parang nagalusan ang loob sa mga narinig sa kanya na hindi inaasahan kaya muli ko itong kinompronta hanggang sa magsagutan kami. Napakataklesa’t swapang talaga ng ugali ng kapatid ko, hindi nito iniisip ang mga nabibitawan niyang salita’t parang wala itong pakialam kaya lalo pang nayamot sa kanya. Maging si Mama ay sumama rin ang loob kay Ate dahil parang ipinararating nito na nagpapabaya ito sa bata. Habang lumilipas ang sandali, painit nang painit ang sagutan naming mag-ate subalit di naman nauwi sa buhatan ng kamay.

12K-T. Siya yung nakakatanda’t may anak na nga subalit siya pa ang may magaspang na pag-uugali na tila di nakapag-aral at nagmamataas pa kaya di mapigilang mayamot ang loob, hindi mawari kung bakit nagtataglay ito ng katarayan, pag-uugaling hindi ko matanggap sa kanya. Sa totoo lamang, hindi naman kami nag-aaway dahil sa nabuntis ito at nagkaanak ng basta-basta, nag-aaway kami dahil sa ipinapakita nitong ugaling di kinais-nais. Humupa naman ang tension sa bahay ng pumasok ang ate sa kwarto’t mababanaag sa mukha ni Mama na tila nasaktan at hindi nito naibigan ng lubos ang mga sinabi ng ate, paano’y akala kung sino sa pagtataray at di ayus-ayusin ang pag-uugali! Nang ganap nang sumapit ang gabi’y pagrerepaso ang inatupag ko. Maaga pa magigising bukas kaya hindi ko na kinailangan pang magpakapuyat sa pagsusunog-kilay at baka wala nang matira sa kilay pagkat Kilay is Life.      


August 04, 2018
Saturday
Year VI-216

12K-U. Anong sarap muli ng aking pagtulog kaya maliwanag na sa labas nang magising at bumagon. Sa halip na kaginhawaan ang mamahay sa kalooban ay di mawari kung bakit naghahari ang kaba. Sa isip-isip ko’y wala naman dapat ikakaba subalit nararanasan iyon at pakiramdam ko’y may mangyayaring hindi ko magugustuhan. Dahil sa namamayaning kaba na hirap ipaliwanag, nawawalan na ng ganang pumasok subalit tumuloy pa rin ako sa pagpasok at pinagsumikapang pahupain ang kaba. Isa lamang na sigurado ako kung bakit nararanasan ang kaba na wala naman dahilan at iyon ay may ibig sabihin, di lamang masabi kung ano. Gayunpaman at sa kagustuhang madagdagan ang aking kaalaman, hindi nagpadala sa di maipaliwanag na kaba at pumasok pa rin. Pagkatungtong ng Diliman College, saktong wala pang Instructor kaya heto ako’t sinasamantala ang oras sa pagrerepaso.

12K-V. Dakong Alas-otso y medya nang magsimula ang aming review session sa pangunguna ng nagpakilala muna sa amin na Sir Angelbert. Agad na gumaan ang loob ko nang magsalita’t magpakilala ito sa amin pagkat gaya ko, binabae rin ito. Bukod pa roon, sa unang tingin ay aakalain mong si Mr. Fu ito pagkat may pagkakahawig sila. Industrial Psychology ang subject na nirepaso namin at nakakatawa itong magturo at makwela rin gaya ni Ma’am Alyssa, pero sa una lang pagkat kalaunan ay nagiging kabagot-bagot na ang klase. Umaga pa lamang subalit kapansin-pansing marami nang nagsisipag-idlip na kaliwa’t kanan kung pagmamasdan, ang ilan naman ay mas piniling makipagdaldalan na lamang sa katabi. Ganon ang naging eksena habang nagtuturo si Sir Angelbert at nakakawalang ganang makinig. Kakaiba ito sa lahat ng naging Instructor namin pagkat nilalahukan ng kalandian at bigay todo sa pagkabakla habang nagtuturo.

12K-W. Maging ako’t sa di malaman ay inaantok na rin kahit kabaro ito subalit pinipigilang mapaidlip. Bigla na lamang nawala ang antok sa mga mata at nagising ang katawang lupa nang masilayan sa Slide ni Sir ang mga hubad na larawan ng mga matsong lalaki na may naglalakihan pang umbok sa dibdib o Abs at dahil pusong babae, bukod sa nagising at natuon bigla ang pokus sa Slide, pakiwaring maglalaway ako. Ibang klase rin ang Instructor namin, wala sa kanya ang pagkamalibog, kitang-kita naman kung gaano ito kahigad at napapaisip kung ilang lalaki na ba ang dumaan sa kanya, sa paraan ng pagtuturo’t pananalita nito. Sa halip na ituon ang sarili sa pakikinig ay sa mga Hunk na nagpapawis pa na kasama sa Slide ni Mr. Fu at parang ginawa nitong prostitusyon ang klase namin. Dahil nag-aaral ako ng mabuti, walang ginawa kundi pigilan ang napipintong pagtagas ng laway at ibinaling ang paningin sa mga kasamahan.

12K-X. Hindi ko mawari’t parang biglang nag-init nang makita ang mga naked pictures na kulang na lamang, maging pinakatatago-tago nilang kaligayahan ay masilayan din. Nang bigyan kami ng oras ni Sir para kumain, lakas-loob akong lumapit sa isa sa mga Staff ng Review Center upang idulog ang pagkawala ng mga Test Drills at kaagad naman umaksyon sa pamamagitan ng pag-anunsyo subalit walang ni isang sumasagot kung sino ang nakapulot o nakakita ng Test Drills kaya umaasa na lang sa mga Janitor. Hindi ko malaman sa sarili kung bakit sadyang napakaburara. Ilang sandali pa, nag-anunsyo muli ang Staff at parang sinisipsip ang lakas ko pagkat unti-unting nauupos nang ipabatid na hindi rin nakita ng mga Janitor ang aking Test Drills, kailangan pa tuloy bumili ng panibago. Marahil, nagaganap na ang mga hindi kagandahang bagay na sa palagay ko’y mangyayari kaya kinakabahan. Ibig ko nang umuwi nun pagkat tinatamad na ng lagay subalit hindi magawa pagkat iniisip na walang kasama si Hannah at hindi kakayanin ng konsensiya.

12K-Y. Matapos ang Lunch Break at bago magturo si Mr. Fu, may ipinagawa muna ito sa amin na siyang nagpabago sa tingin ko sa kanya pagkat malibog din pala ito’t hindi mo mawari kung matutuwa o mayayamot habang inuusal ang salitang “Go Chuki Pa” at parang may ibig sabihin. Dahil hindi ko na natapos pa ang Review Session pagkat wala naman natutuhan kundi pawang kalandian at kabaklaan lamang na siyang hindi na dapat pang matutuhan at baka tuluyan nang hindi makapagpigil ang nag-iinit na katawan pagkat puro Hunk ang laman ng kanyang mga Slides at nauumay na ng lagay, Alas-kwatro pa lamang nang makauwi ako. Kinagabihan, pagrerepaso muli ang inatupag ko. Nang hindi na makaya ng mata ang namamayaning antok dulot ng maghapong pakikibaka sa pag-aaral, saka napagpasyahang matulog.                


August 05, 2018
Sunday

Year VI-217

12K-Z. Maaga muling magigising para dumalo sa aming review class. Sa aga kong dumating, mga kaklase pa lamang ang nadatnan pagkatungtong ng balingkinitang yapak ngunit mabalbon na binti sa Diliman College. Ilang sandali pa nang dumating ang aming Instructor at sa halip na si Sir Angelbert ang nakatoka ay si Ma’am Althea at nag-check muna ng Test Drills bago ito magsimulang magturo. Pagkatapos ay nagturo na ito’t Theories of Personality ang subject na nirepaso namin. Kung ikukumpara, mas makwela magturo si Sir Angelbert kumpara kay Ma’am Althea subalit sa husay na rin ito magturo, hindi man siya gaya ng mga dumaang instructor na puro pagpapatawa, hindi naman boring pagkat Catchy at sarap makinig.

12L-A. Ilang sandali nang saniban muli ng kaantukan sa mga mata subalit pinigilan ko at nagpatuloy sa pakikinig pagkat napakahalaga ng bawat sinasabi ng aming instructor. Pagsapit ng Alas-dose, Lunch Break na at kahit kamakailan ko lamang nakilala sina Yvonne na kapwa nag-aral din sa OLFU, sa kanila nakisabay para kumain. Masaya silang kasama’t mawawala ang stress mo dulot ng pukpukang pagrerepaso subalit hirap minsan makitungo sa kanila, lalo na’t ako pala ang pinakabata sa kanilang magkakasama’t naiiba ang Batch sa Batch nila. Gayunpaman ay nakisama pa rin sa kanila pagkat ibig kong magkaroon ng bagong kaibigan. Habang tumatagal na kasama sila’y napapalagay na kahit paano ang loob at nagiging madaldal ang kaninang akong walang kaimik-imik.

12L-B. Ilang sandali pa, bumalik na kami sa Auditorium. Habang kumukuda si Ma’am Althea na akala mo’y si Ruffa Mae Quinto pagkat paboloso’t maarte, sige ako sa paggawa ng Answer Key. Bandang Alas-singko nang matapos ang aming Review Class at naging sulit na sulit ang pakikinig. Dahil Linggo, bago umuwi’y naisipan ko munang magsimba. Anong dami ng mga nagsipagsimba pagkalapag ng yapak sa Saint Peter Church kaya naging pahirapan sa akin ang makapasok. Kasagsagan ng misa ay saktong bumuhos pa ang napakalakas na ulan kaya kaawa-awa ang mga nasa labas pagkat nababasa na. Hindi ko na natapos pa ang misa’t pagkatila ng ulan ay umalis din kaagad. Pagkauwi, walang ibang ginawa kundi gumawa ng Answer Key mga dakong Alas-nuebe rin natapos. Pagod na pagod na ng lagay kaya mabilis pa sa takbo ng tren ang hilata sa kama hanggang sa makatulog.             


August 06, 2018
Monday

Year VI-218

12L-C. Dahil nakatulog ng maayos, naging makulay ang bungad ng umaga sa akin kaya naman masiglang-masigla muli sa pagbangon at ginaganahan. Dahil ganadong-ganado ako, pagkalamnan ng sikmurang magdamag na walang laman, kaagad nang nag-aral. Nakakatuwa dahil naging madali para pumasok sa isipan ang mga inaaral at sana magpatuloy ang ganito, yung pakiramdam na bukod sa gumagana ng maayos ang utak, sinasaniban ako ng kasipagan hindi katamaran. Sa sipag, nagpatuloy ako sa pagrerepaso hanggang sa makaramdam na ng gutom sa Sikmura. Saktong may naluto nang ulam kaya diretso banat ako sa pagkain gawa ng namamayaning gutom. Matapos lumamon, nagrepaso ulit ako. Habang tutok na tutok ang mata sa pag-aaral ang pagbuhos muli ng ulam. Sarap mag-aral kapag umuulan kaya lalo pang ginanahan subalit napalitan ng takot nang makarinig ng mga pagkulog.

12L-D. Sa takot, nawalan na ng konsentrasyon hanggang sa di ko na mapigilan ang magtago. Hindi naman nagtagal ang ulan at babangon na sana subalit bigla na lamang inantok hanggang sa makatulog. Sa sarap ng tulog, saktong mag-iikalawa na ng hapon nang magkamalay at kaagad na ipinagpatuloy ang pag-aaral. Sa dami ng kailangang pag-aralan, naging sobrang abala ako. Habang aligaga ang mata sa pagbabasa ang biglang pagdating ng aking pinsan na si Arjay. Hindi ko mapigilan ang mahiya kaya kahit abala sa pag-aaral, gumagawa ng paraan para makapaghuntahan sa kanya. Hindi rin ito nagtagal sa amin at pagkahapunan nito’y kaagad ding umalis. Tuloy lamang ako sa pagrerepaso hanggang sa gumabi’t aandap-andap na ang mga mata dulot ng maghapong pagrerepaso. Gusto ko pang mag-aral subalit medyo pagod na, ayaw ko naman abusuhin ng husto ang sarili at baka magkasakit pa kaya napagpasyahan nang magpahinga.     


August 07, 2018
Tuesday
Year VI-219

12L-E. Sa sarap ng tulog, muling tinanghali sa paggising. Dahil nasa ospital muli sina Mama para sa Check Up, sa halip na magrepaso kaagad ay inasikaso ko muna ang gawaing bahay. Nagwalis-walis, naghugas ng mga plato’t dahil sinisipag muli ng lagay, matapos ang gawaing bahay ay nagawa pang magbukas ng tindahan. Pinagsabay ko ang pagtitinda at pag-aaral at nakakaya naman ng aking Werpa. Sa sobrang abala ko muli sa pag-aaral, hindi namamalayan ang pagsipa ng Alas-dyis. Hindi pa nakakapagluto ng ulam pagkat may kanya-kanya kaming pinagkakaabalahan ng ate kaya dumelihensya na lamang ako. Hindi ko inasahan na pagkabili ng lalamunin, muling magkakaroon ng hidwaan sa pagitan namin ni Ate. Paano’y may sinasabi pa siya tungkol sa nabili kong ulam at di na lamang manahimik, akala naman nito’y hindi pinapahalagahan ang pangangailangan ng Kuya Al at parang pinapamukhang wala akong malasakit, samantalang nagiging praktikal lang naman sa pagbili ng ulam.

12L-F. Sa yamot ko, sa halip na Bicol Express na pagkasarap-sarap at naisipan pang iyon ang uulamin, ipinaubaya ko na lamang aking kapatid at Monggo na lamang ang nilantakan. Nandahil sa ulam, nag-aaway pa kami na di naman dapat. Nang makapagpananghalian at maasikaso ang alagang mga hayop, saka ipinagpatuloy ang pagrerepaso. Muling dumidilim ang kalangitan, nagbabadyang bumuhos ang ulan kaya ang mga batang sabik na sabik sa haplos ng ulan, parang tinakasan na ng bait kung maghihiyaw-hiyaw at di na magkandamayaw, di na rin magkandamayaw ang takot sa dibdib at pilit man ipapanatag ang kalooban, wala pa rin at patuloy na nangingibabaw ang takot, iniisip nab aka kumulog at kumidlat. Kinikiliti man ako ng takot, nagpatuloy pa rin sa pag-aaral at gumawa ng paraan para hindi mawala sa konsentrasyon. Ilang sandali pa’y bumuhos na ang ulan.

12L-G. Hangga’t walang naririnig na mga pagkulog, tuloy ako sa pag-aaral kahit nababalisa na ng lagay at maya-maya pa, naganap na ang aking kinatatakutan kaya naman tuluyan nang nawala sa konsentrasyon. Sino naman ang magbabantay at mag-aasikaso ng tindahan kung magtago ako kaya walang ginawa kundi labanan ang takot at hinarap ang aking kahinaan. Kumpara kahapon, mas nakakayanig sa takot ang mga pagkulog at kidlat pagkat kitang-kita ang talim at akala mo’y may naghagis ng granada sa lakas nito. Maya’t maya man ako nagugulantang sa tuwing dadagundong ang kulog, nagpatuloy pa rin sa pag-aaral. Saka lamang humupa ang nararanasang takot nang matapos ang unos. Sa halip na mag-siyesta, kahit aandap-andap na ang mata dulot ng antok ay sige pa rin sa pag-aaral, pagkat hindi ibig na masayang ang oras. Bago pa man gumabi nang makauwi sina Mama at Papa.

12L-H. Ilang sandali pa ang pagkakaroon muli namin ng bisita kaya ang buong balay, balot sa kaingayan, hindi muli ako makapag-concentrate. Maging sa gabi’y hirap din akong makapag-concentrate gawa na maiingay ang mga tambay. Napakaingay nila’t bukod sa naroroon muli ang mga Pabebe nuknukan sa pagkakati, nagsama pa ng mga baklang akala’y kagaganda, daig naman ang tinuyong isda ang mga binti kaya ang resulta, to the highest level na ang ingay at masyado na silang nakakadagdag sa Noise Pollution, nakakairita! Wala akong ginawa kundi magtiis at natatawa na lamang sa tuwing may nababanggit silang bagay na di dapat. Nawalan na ko ng gana sa pag-aaral kaya mas piniling magsulat na lamang ng kwento. Bandang Alas-dyis nang maisipang matulog.        


August 08, 2018
Wednesday

Year VI-220

12L-I. Saktong may araw na sa labas at maingay na rin sa bahay nang ako’y magising. Patuloy pang namamayani ang antok sa mga mata subalit marami pang aasikasuhin kaya di na nagpatumpik-tumpik sa pagbangon. Pagkaalmusal, pagsusulat muna ng kwento ang inatupag ko. Hirap ako sa ginagawa pagkat may iba pang tao sa bahay bukod sa amin at naiisturbo dulot ng nalilikhang kaingayan. Di ko naman kontrolado ang pangyayari kaya walang ginawa kundi magtiis at gumawa ng paraan para makapag-concentrate sa pagsusulat. Bandang Tanghali nang maisipan kong magrepaso. Kung kailan abalang-abala sa pag-aaral, saka naman inaantok. Ibig ko pang mag-aral at magbasa-basa, kaso hirap ipasok sa isipan at unawain gawa na namamayani ang antok. Hindi ko na kaya ang nararanasang antok at pakiwaring nanghihina na rin kaya napagpasyahang umidlip muna.

12L-J. Bandang Alas-tres na ng hapon nagising at pagsasagot naman ng Test Drills ang inatupag ko. Anong hirap at halos mag-crack na ang mga Neurons sa utak habang binabasa’t inuunawa ang napakahabang talata, makakuha lang ng tamang sagot. Sa kakabasa’t unawa, sumakit na ang ulo ko subalit tuloy pa rin. Sa haba at dami ng aytem na kailangang sagutan pagkat puro situational ang mga katanungan, kahit 100 Items lamang, inabot na ng gabi. Nakakakaba lamang na paano kapag ganoong klase ng pagsusulit ang lumabas sa Board Exam, paano na kaya ako’t Diyos na ang bahala sa lahat-lahat. Dahil lubos na nahirapan at mapakamot na nga ng ulo, pagkawasto, hindi gaya ko ang nakuhang marka at bawi-bawi na lamang sa susunod. Kinagabihan, sakripisyo muna sa panunuod ng Telebisyon kahit kating-kati nang manuod upang makapagrepaso. Sa dami ng aking inaral, bumibigat na ang ulo kaya ibig man magpakapuyat pa sa pag-aaral subalit kailangan nang ipagpahinga ang utak at baka kung ano pa ang mangyari.    



August 09, 2018
Thursday
Year VI-221


12L-K. Nagpapasalamat ako sapagkat muling napasakin ang araw na ito’t hindi hinayaan ng Diyos na may maganap na hindi maganda sa amin sa magdamag, sadyang napakabuti niya sa kabila na batid ko na malabuhangin na ang kasalanan, di pa rin niya pinababayaan. Pagkabangon ay anong sigla muli ang aking nadarama’t ganadong-ganado. Pagkaalmusal, naisipan kong gampanan ang gawaing bahay at nagwalis-walis. Matapos asikasuhin ang gawaing bahay, saka lamang ako nakapag-aral at muli, magtitinda rin. Nakatulong sa pag-aaral ko ang panaka-nakang bumibili kaya tuloy-tuloy ako’t gumagana ng maayos ang utak, na siyang ikinalulugod ng lubos at nawa’y magtuloy-tuloy. Sa sobrang abala ko sa pag-aaral, walang kamalay-malay ang pagsipa ng tanghaling tapat, kailangan ko munang tumigil. Pagkalantak ng pananghalian, wala nang sinayang na oras upang mag-aral. Kung kailan tutok na tutok sa pagrerepaso ang pamamayani muli ng antok.

12L-L. Isa talaga sa hadlang kapag nag-aaral ang antok at pilit man ito pigilan, hindi magawa hanggang sa di na mapigilang matulog. Hindi naman ako nagtagal sa pagtulog at kaagad na ipinagpatuloy ang pagrerepaso. Batid ko na hindi kadali itong pinapasok ko at kailangan nang matinding tiyaga subalit naniniwala na hindi pababayaan ng Diyos at siya na ang bahala sa akin. Kinagabihan, nakakaalarma na ang balita patungkol sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin dahil inflation rate at nakakabahalang isipin na kapag ito ay magpatuloy, maaring magdulot ng krisis, lalo na sa mga mahihirap, sila ang pinakamaapektuhan. Gastador akong nilalang subalit ngayong nahaharap sa napipintong krisis dulot ng pagtaas ng mga bilihin at idagdag pa ng walang trabaho, marahil ay kailangan munang magtipid at maging madiskarte. Bago matulog, pagrerepaso muli ang inatupag ko. Mga bandang Alas-onse nang mapagpasyahang itigil ang pagrerepaso at matulog na, gustuhin pa mang magSomatic Symptom Disorderpakapuyat.     



August 10, 2018
Friday

Year VI-222

12L-M. Tila nahihiyang magpakita ang araw pagkat makulimlim, maya't maya rin bumubuhos ang ulan subalit walang dahilan para hindi ituloy ang mga balakin sa buhay at maraming paraan. Pagkaalmusal, kaagad nang sinimulan ang pagrerepaso. Medyo sinisipag at ginaganahan pa kaya buong umaga, sa pagrerepaso lamang itinuon ang oras at mga bandang tanghali nang mapagpasyahang itigil muna ang pag-aaral para mananghalian at magkaroon ng panibagong enerhiya ang katawan pagkat nakakagutom talaga ang pupukang pag-aaral. Nang makapagpananghalian, ipapagpatuloy ko sana ang pagrerepaso, kaso naudlot gawa na pinapangaralan ni Aling Pamy ng salita ng Diyos. Hindi naman ako tutol sa topic, sa katunayan ay naiibigan pa nga, naiirita lamang ako pagkat panay ang kanyang tapik at ang bilis magsalita, kaya sa halip na matuto'y nawiwindang na ko't nawawalan na ng ganang makinig.

12L-N. Kahit naiirita na'y hinayaan ko na muna siya magsalita pero nang kalaunan at windang na windang na, saka nagkalakas-loob na pahintuin ito. Kung magsalita habang nangangaral, akala'y may pinaglalaban subalit natutuwa naman para sa kanya dahil hindi ito gaya dati na parang nawawalan na ng pag-asa sa buhay, kaya madalas ay nagiging hysterical at nawawalan ng bait sa sarili. Tila nasumpungan na ni Aling Pamy ang liwanag na siyang nag-ahon sa kanya mula sa pagiging Helpless, kaya ngayon ay kakikitaang masaya't di na nagpapaapekto sa mga problema. Iba talaga ang nagagawa kapag inilapit mo ang loob sa panginoon, pakiwaring protektado ka't makakayang lampasan ang problema, gaanoman ito kabigat pagkat naniniwalang hindi ka pababayaan ng Diyos. Saka lamang muli ako nakapagrepaso ng matiwasay nang umalis ang aming Pastora na si Aling Pamy.

12L-O. Maya-maya pa at habang nag-aaral, sumanib muli ang antok sa mga mata. Pilit kong pinipigilan, para hindi masayang ang oras sa pag-aaral subalit ang hirap at nawawalan na sa konsentrasyon. Siyempre, ayaw ko naman mag-aral na hindi pumapasok sa utak ang impormasyon dulot ng kawalan ng konsentrasyon kaya napagpasyahang magpahinga. Pagkagising, sunog-kilay muli ako hanggang sa dumating ang oras ng hapunan. Kinagabihan, sadyang nakakabahala na ang balita pagkat patuloy na tumataas ang mga bilihin na karamihan pa naman, pangangailangan natin sa pang-araw-araw. Maigi na lamang, madalas akong nagtitipid kahit hindi nila iyon nakikita sa akin kaya hindi mahihirapan, oras na kailangan nang maghigpit ng sinturon pagkat nahaharap na sa krisis. Bago matulog at dahil sinisipag-sipag ng lagay, pagrerepaso muli ang inatupag. Kung kailan nga naman nakapagpatapos na, saka pa nakakapag-aral ng seryoso, hindi gaya dati nung nag-aaral pa lamang, mas inuuna ang bagay na nakakapagligaya kaysa bagay na ikakatuto ko't magbibigay kaunlaran sa sarili. Gayunpaman, sana may mapatunguhan itong aking pagkukumahog. Dahil may Review Class pa bukas, hindi na nagpakapuyat pa.   


August 11, 2018
Saturday

Year VI-223

12L-P. Madaling-araw nang matuldukan ang mahimbing kong pagtulog dahil sa malakas na ulan. Bukod sa umuulan ay may pag-ihip pa ng hangin, kaya itong si ako'y tinatablan na ng katamaran at napapaisip kung papasok pa ba. Humina naman ang ulan pagsapit ng Alas-siete kaya walang dahilan para lumiban. Kung kailan nasa harap na ko ng Diliman College, saka bumuhos ang napakalakas na ulan at sinabayan pa ng hangin. Kahit animoy binabayo na ko ng bagyo at nababasa na rin, sa kabila na may pananggalang, nagpatuloy pa rin sa pagkilos papapasok at hindi nagpatinag, pagkat determinadong makapasa o maging Topnotcher. Anumang unos ang dumating na tipong basang sisiw ka na, I can do it, I can make it pa rin, and passed the board exam. Pagiging determinado ko ang dahilan kung bakit nakaapak pa rin sa Auditorium, kahit masungit ang panahon. Saktong wala pa ang aming Instructor at kapansin-pansing hindi gasinong karami ang pumasok, gawa na bumabagyo.

12L-Q. Ilang sandali pa nang magsimula ang aming review session na pinangunahan ni Ma'am Regina. Gaya nina Ma'am Alyssa at Ma'am Althea, bata-bata pa ito subalit tila expert na kung magturo't ayos siya, kaya todo pakinig sa kanya, kahit walang sense of humor ang paraan ng kanyang discussion. Hindi nga lang masyadong marinig gawa na malakas ang buhos ng ulan at nakakatamad ng mag-aral subalit nagpatuloy pa rin. Bandang tanghali at dahil sadyang napakasungit ng panahon dulot ng Habagat, napapaisip nang umuwi subalit pinigilan nina Yvonne. Walang magawa kaya matapos mananghalian at para magising-gising ang papatulog nang katawang-lupa, naisipang makipagkwentuhan.

12L-R. Pagpatak ng Ala-una nang magpatuloy ang aming review session. Isang oras na ang nakakaraan, subalit hindi pa dumarating ang mga kaklase ko na sina Abbie nung college, kaya di na mapigilan ang mag-aalala. Pagpatak ng Alas-tres at nang aming breaktime, hindi pa sila bumabalik. Kating-kati na kong umuwi subalit hindi magawa pagkat iniisip, sino ang magbabantay at mag-aasikaso ng kanilang mga gamit. Nakakahiya naman kina Yvonne kung iiwan ko sa kanila ang mga gamit nina Abbie kaya napagpasyahang hintayin muna sila at kinontak. Palaisipan na sa amin kung ano nangyari sa kanila, hanggang sa malaman na na-trap pala sila sa Ever Gotesco Mall. Napalitan ng pagkainis ang kaninang akong alalang-alala pagkat hindi sila nag-iisip. Masungit na nga ang panahon, nakuha pang mag-Mally nang wala pang dalang payong at ginigigil nila ako! Kung kailan nagtuturo na si Ma'am Regina nang dumating sina Abbie kaya naudlot na ang balak na pag-uwi't kaasar sila.

12L-S. Sobrang lakas talaga ng ulan at zero-visibility na nga kaya hindi na makapag-concentrate sa pakikinig at kung magtuloy-tuloy pa, baka ma-stranded na kami. Bandang Alas-singko nang matapos ang aming Review Session at saktong humina na ang ulan kaya hindi naman nahirapan sa pag-uwi na siyang ipinagpapasalamat at ligtas na nakaapak sa tahanan. Kinagabihan, pagtitinda't pagrerepaso ang inatupag ko. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng napakalakas na ulan, na sinabayan pa ng pagkulog at pagkidlat kaya akong abala sa pag-aaral, hirap makapag-concentrate. May pasok pa ulit bukas kahit bumabagyo kaya hindi na nagpakapuyat pa sa pag-aaral. Hindi naman makatulog gawa na tuloy-tuloy ang malakas na ulan at napapaisip na baka abutan na kami ng baha na huwag naman sanang maganap.         


August 12, 2018
Sunday
Year VI-224

12L-T. Dahil sa masamang panahon dulot ng Habagat na patuloy na nanalanta't nagpapabaha sa maraming lugar, hindi na natuloy ang aming review session kaya hindi ako maagang nagising at nagpatuloy sa pagtulog. Mga bandang Alas-otso nang mapagpasyahang bumangon at sarap matulog kapag ganitong maulang panahon. Pagkaagahan at dahil hindi ko ibig na may masayang na oras, daglian nang nagrepaso. Hindi ko talaga maiwasang tamarin ngayong nag-uulan-ulan subalit sayang naman ang pagiging Psychometrician kung magpapanaig, kaya nagpatuloy pa rin ako, kahit gusto na ng isip na mahiga o matulog. Kinatanghalian at bukod sa malakas ang ulan, humahampas din ang malakas na hangin, kaya aakalaing sinasalanta ng bagyo't halos liparin na. Yung mga batang hayok na hayok sa haplos ng ulan, walang katakot-takot kahit mapaminsala na ang lakas ng hangin.

12L-U. Pagkapanuod ng balita, marami nang lugar ang nalubog sa baha at tila naulit lamang ang bangungot nung Bagyong Ondoy pagkat napakaraming ulan ang Habagat at karamihan, bubong na lamang ng bahay ang lumilitaw at lagpas tao na ang baha. Taon-taon na lamang problema ang matinding baha sa Pilipinas tuwing may bagyo o bubuhos ang malakas na ulan at hindi naman mangyayari ang lahat ng iyon kung hindi lamang natin nilalapastangan ang kalikasan gaya ng pagkakalbo sa kagubatan at pagtatapon ng basura kung saan-saan na siyang sanhi ng malawakang pagbaha. May mga araw nga na naniningil ang Inang Kalikasan sa atin at dapat tayong maging mabait at maalaga sa kanya. Sa kabila na may mga panahon na nahaharap sa problema, mapalad pa rin pala kami pagkat kahit marami nang lugar sa Metro Manila ang nalubog sa baha, hindi naman kami binaha.

12L-V. Yun nga lang, di mapigilang mahabag sa mga nasalanta't nawa'y maraming mabubuting puso ang hindi magdalawang isip na tumulong. Kahit bumabagyo'y hindi naman nito napigilan ang pagdiriwang namin sa ikaapat na buwan ni Baby Anya sa mundo na dapat sana'y kahapon pa sa pamamagitan lamang ng Cake at mabusog nang labis sa laki at dami ng nilantakan. Matapos ang kainan at dahil tinatamad talaga ako ng lagay, humilata na lamang sa kama sa halip na gugulin ang sarili sa pag-aaral. Kung naririto lamang sa amin ang taong nagpapaligaya sa akin, kahit kasing tindi pa ng Bagyong Yolanda ang humahambalos sa amin, mag-aaral pa rin ako pagkat iba talaga ang nagagawa kapag inspired. Dapat ko nang tanggapin na hindi na ko na siya makikita't kalimutan na rin.

12L-W. Kinahapunan at labag man sa kalooban ang magpagupit pagkat ibig sabihan ng haba ng hair at baka magkaroon ng tiyansang makursunadahan ng mga Bortang lalaki ngunit di manyak, kung di naman katanggap-tanggap sa paningin nina ina ay nagpagupit pa rin ako. Saktong humina na ang ulan kaya naipagpatuloy ko ang pagpapagupit at nang makapagpagupit, buwisit na buwisit sarili pagkat kinalabasan, ang gwapo ko pala samantalang kagandahan ang ibig lumitaw. Kinagabihan at dahil tinatamad pa rin talaga ako, di na napigilang libangin ang sarili sa panunuod ng Telebisyon. Dakong Alas-onse nang mapagpasyahang matulog.      


August 13, 2018
Monday

Year VI-225

12L-X. Saktong humupa na ang mga pag-ulan subalit makulimlim pa rin ang papawirin at patuloy na umiihip ang hangin na paminsan-minsan ay malakas kaya animoy may bagyo. Pagkalamnan ng Sikmurang nangangarap maging bahay bata, gawaing bahay ang inatupag ko't walang gasinong nalilikom na alikabok kaya hindi naman nahihirapan sa pagwawalis. Matapos ang gawaing bahay at dahil pinapangaparap ko na mapasaakin siya, ang lisensya sa pagiging Psychometrician, di si Special Someone, nagrepaso muli ako. Pinagsabay ko ang pagtitinda at pag-aaral at kahit nag-uulan-ulan, naging mabenta pa rin ang Ice Candy at Yelo subalit numero uno pa rin ang mga Sigarilyo at Balasilajan! Nakakairita lamang paminsan-minsan kapag may bumibili kapag naantala ang binabasa't nawawala na kapag binabalikan. Marami man ang hassle sa buhay, di naman hahayaang magpaapekto kung may mithiin ka't pursigidong makamit iyon. Saka ko lamang itinigil ang pagrerepaso pagpatak ng tanghali. Pagkalamon, balak sanang ipagpagpatuloy ang pagrerepaso, kaso tinatamad na ng lagay at ibig ay mag-beauty rest muna, sinunod ko naman ang kagustuhan ng sarili at baka maging Chaka pa kung pakakawalan ang bagay na ikakaganda ko. Pagkamulat ng mata, ipinagpagpatuloy ko ang pagrerepaso maging sa gabi. Nang saniban ng antok sa mga mata, saka napagpasyahang matulog.


August 14, 2018
Tuesday

Year VI-226

12L-Y. Sa sarap ng tulog, Alas-nuebe na pala ng umaga nang magising ako. Namumugto pa sa antok ang mga mata at ibig pang maging si Sleeping Beauty sa maghapon subalit marami pang aasikasuhin na di dapat mapurnada kaya bumangon na ko. Nang makapagligpit ng higaan at bukas ng tindahan, magrerepaso sana ako, napurnada lamang dahil tinawag ng ate at nagpapatulong itong mag-present sa kanyang kliyente. Kahit di ito gaano nakakasundo at di rin gasinong kalapit ang loob at may gagawin pa talaga ako, pinagbigyan pa rin ito pagkat mapagbigay ako't matulungin. Hindi ko mawari sa sarili na kahit may nagawang atraso sa akin ang kapwa o hindi na naging maganda ang pinagsamahan, di magawang tumanggi sa tuwing hihingi sila ng tulong at nakokonsensiya ako kapag magmamatigas. Oo at batid ko na hindi naging maganda ang pakikitungo sa akin ng ate at madalas na sumasama ang loob dahil sa ipinapakita nitong ugali subalit hindi nangangahulugang isasara ko na ang pintuan oras na nangangailangan ito pagkat marami rin naman siyang naitutulong at di ko iyon naiwawaglit sa isipan kahit may pagkakataon na nakakalimutan dulot na nangingibabaw ang galit.

12L-Z. Salamat sa maykapal dahil ipinagkaloob niya sa akin ang ganong klaseng pag-uugali. Tama sila, madali akong magalit at mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa subalit mabilis akong magpatawad, lalo na kapag nakikita kong bumabawi sila. Saka lamang ako nakapagrepaso matapos tulungan ang ate sa pagpipi-present ng Life insurance. Maya-maya pa, oras na upang mananghalian kaya itinigil muna ang pag-aaral at kumain, nilibang na rin ang sarili sa panunuod ng telebisyon. Kung kailan magsusunog-kilay na ko saka naman parang sumasakit ang ulo. Kahit nasakit ang bungo, sa kagustuhang makarami ako sa pag-aaral, nagpatuloy pa rin at nilabanan ang namamayaning katamaran. Saka lamang napagpasyahang magpahinga nang matapos ang isang chapter at pagkagising, hapunan na!
12M-A. Kinagabihan, tutok muli ang mata sa pagrerepaso. Hindi ko lamang maintindihan sa sarili, kumain na ng hapunan subalit nakakaramdam pa rin ng gutom, kaya lalo pang hindi makapag-concentrate sa pag-aaral at sa halip na mga impormasyon ang maikintal sa isipan ay pagkain, kaya sige sa paglantak habang nagsusunog-kilay at hangga't may mahihita. Hating-gabi, malalim na ang tulog ng lahat sa mga kasamahan ko, subalit heto pa rin na abalang-abala sa pagrerepaso, kahit namumugto na ang mata. Kapag alam mong hindi ganon kadali makuha ang bagay na minimithi, gagawin ang lahat kahit gaano ka pa nahihirapan, makamit lamang iyon gaya ng ginagawa ko na mukhang magpapakapuyat.  


August 15, 2018
Wednesday
Year VI-227

12M-B. Dahil sa masigasig kong pagsusunog-kilay sa kagustuhang magkaroon ng lisensya, inabot na ng madaling-araw. Mistulan nang Zombie sa kakaaral at aandap-andap na ang mata dulot na kanina pa namamayani ang antok. Bandang Alas-tres nang mapagpasyahang matulog at pagkagising, mataas na ang sikat ng araw. Pagkaalmusal, pagtitinda't repaso ang inatupag ko. Kahit may mga oras na nahihirapan sa pag-aaral pagkat hindi naman ganon kadali ang inaaral at sakit pa sa ulo, sige pa rin ako't kahit hirap umunawa pagkat naniniwala ako sa aking kakayahan na siyang magdadala sa katagumpayan, ang makapasa. Kakaaral ng walang puknat, hindi namamalayang hapon na. Namumugto na ang mga mata dulot ng kaantukan kaya umidlip muna ako. Pagkagising, paglalaba ang aking inatupag at gawaing bahay na rin. Saka lamang napagpasyahang mag-aral kung kailan gabi na.

12M-C. Nahihirapan na nga akong isuksok sa isipan ang inaaral, maingay pa sa aming kapaligiran at ganito talaga sa Sitio Taniman, tila hindi mo masumpungan ang katahimikan at mas maigi pa marahil kung sa Batangas ko isasagawa ang pagrerepaso pagkat tahimik doon. Kahit nakaka-distract ang ingay mula sa labas, walang dahilan para ihinto ang pag-aaral at gumawa na lamang ako ng paraan pagkat maraming paraan kung gusto. Bukod sa pagbabasa, naisipan ko na rin magsagot ng Test Drills at katamtaman lamang ang natamong tuwa pagkat hindi naman katayugan ang nakuhang marka, nagsisimula pa lang naman ako't hindi iyon ang dahilan para masabing hindi makakapasa. Dahil baka malusyang na ang lola niyo ng tuluyan at malagasan na rin ng kilay sa kakasunog-kilay, hindi na nagawa pang magpuyat.  


August 16, 2018
Thursday

Year VI-228

12M-D. Hinihikab pa ng lagay dulot ng kaantukan subalit kailangan nang bumangon pagkat umaga na. Eksakto apat na buwan na pala ang nakakaraan magmula nang ako'y makapagtapos, subalit hanggang ngayon ay nanatili pa ring walang trabaho. Sana man lang, matapos itong aking kinakaharap, ang paghandaan ang nalalapit na board exam ay makahanap agad ng trabaho, nang sa ganon ay magkaroon pa lalo ng silbi sa pamilya't hindi lamang iikot sa ganito ang buhay. Hindi pa batid ng isip kung ano ang magiging Career at ang hirap magdesisyon. Hinahangad na sana'y makapasa sa Board Exam nang sa ganon, magkaroon agad ng Career, ang maging Psychometrician. Wala pang trabaho kaya hanggang patinda-tinda muna ako't magsusunog-kilay din kahit nauupos na ang kilay.

12M-E. Mula umaga maging sa hapon, pagrerepaso lamang ang inatupag ko't halos takasan na ng bait, tungkol pa man din sa sakit sa pag-iisip ang pinag-aaralan pagkat tutok ako sa Abnormal Psychology kaya mababaliw ka talaga subalit ganon talaga, kailangan magtiyaga kahit nasakit na ang bungo at may mga oras na aandap-andap ang mata dulot ng kaantukan. Matapos ang halos anim na oras na subsob ang mata sa pag-aaral, sa wakas ay natapos din ang isang subject at ang sarap sa pakiramdam kapag natapos ang isang bagay na dugo't pawis ang naging puhunan. Kinagabihan, pagsagot naman ng Test drills ang inatupag ko. Marahil, kahit gaano ka pa kasikap sa pag-aaral kung sadyang napakahirap ng pagsusulit, lalo na kung di naman katalinuhan, tila maliit ang tiyansang makakapasa, kaya dalanging sana, hindi ganon kahirap ang mga lalabas sa Board Exam at maawa sila sa amin.


August 17, 2018
Friday
Year VI-229

12M-F. Kitang-kita na ang liwanag sa labas nang ako'y magising. Nanatiling namumugto ang mga mata subalit bumangon na ko pagkat dami pang aasikasuhin. Pagkalamnan ng kape sa sinapupunang naghihintay ng grasya, daglian na kong nagrepaso. Sa totoo lamang, medyo tinatamad ako sa pag-aaral at hirap ituon ang isipan sa binabasa, parang ibig ng katawan na mahiga na lamang subalit dahil may minimithi ako, nagpatuloy pa rin at iyon ang ginawang pampalakas ng loob. Naging maulan pa ang panahon kaya lalo pang tinatamad sa pag-aaral. Bandang tanghali nang itigil ang pag-aaral para mananghalian. Ibig ko sanang ituloy ang pagrerepaso, kaso di na nagawa pa dulot ng antok, napagpasyahang magpahinga muna. Pagkagising ay saktong nakauwi na ang Papa galing Batangas bitbit ang samu't saring pasalubong.

12M-G. Sa dami ng pasalubong, naging bwenas ang meryanda ko't sige sa paglantak hangga't may nakikita. Balik ako sa pagrerepaso matapos lumantak ng pasalubong at naisipan na rin magtinda. Tuloy pa rin sa pagsusunog-kilay maging sa pagsapit ng gabi. Yung tipong aral ako nang aral at ilang oras nang iginugugol ang sarili sa pagbabasa, wala naman pumapasok sa utak subalit ayos lamang, ang mahalaga'y may naaaral ako't may bagong kaalamang naikikintal. Matutulog na sana ako, hindi magawa dulot ng pamamayaning takot. Bumuhos nanaman ang malakas na ulan na sinabayan pa ng pagkulog at kidlat kaya ganon na lamang ang nararanasang takot. Sa paghupa ng unos kasabay din ng paghupa ng takot, di pa rin madalaw ng antok ang mga mata, kaya nilibang muna ang sarili sa pag-online ng Social Media.   


August 18, 2018
Saturday

Year VI-230

12M-H. Sumapit na ang madaling-araw, ni pitik ng antok ay hindi pa humahaplos sa mga mata kaya tuloy lamang ang pagpupuyat ko sa pag-online sa mga Social Media. Kung kailan paumaga na, saka pa nakatulog at saktong wala kaming review class ngayong Sabado kaya ang resulta, tinanghali na ko sa paggising. Gaya ng mga nakalipas na araw, pagrerepaso agad ang pinagkaabalahan matapos mag-agahan. Nakakasawa man pagkat paulit-ulit na itong ginagawa, may patutunguhan naman at may pangarap akong ibig abutin, ang maging ganap na Psychometrician. Gutom, antok, iyon ang humahadlang sa aking pagrerepaso subalit nagpatuloy pa rin ako't nagsumikap. Sa sobrang abala muli sa pukpukang pagrerepaso, di napansing tanghaling tapat na pala. Kinahapunan, sa halip na ipihit ang yapak sa bahay ng mga kaibigan at libangin ang sariling makipag-tsikahan sa kanila, mas pinili pa ring mag-aral.

12M-I. Sa ngayon ay kailangan ko munang magsakripisyo't kapag nakapasa ng Board Exam na hinihiling na mangyari, maghapon kong lulunurin ang sarili sa kaligayahang hindi ko nagawa nung panahong abala sa pag-aaral at makikipag-Walwal pa ng walang humpay. Hindi masama ang mag-Walwal o libangin ang sarili with your friends, huwag lang sosobra na tipong doon na lamang umiikot ang Mundo at may panahon para sa mga ganyan. Bukod pa roon, oras na makapasa ako, mag-a-Unwind ako saanman lupalop ng Pilipinas na naisin, kung may pera lang sana. Kaya hanap Boyfie na lang ang pagkakalibangan. Dahil medyo sinisipag ako ng lagay, maging sa gabi'y sige pa rin sa pagsusunog ng kilay. Mabait ang Diyos at kung may pagkukumahog ka, hindi niya hahayaan ikaw ay mabigo sa laban. Hangga't kaya pa o humihinga, laban lang. Wala pang balak matulog kaya matapos mag-aral, nilibang ko naman ang sarili sa pakikinig ng musika. Kasing lalim na ng balon ang gabi nang mapagpasyahang matulog.      


August 19, 2018
Sunday

Year VI-231

12M-J. Quezon City day at ngayong araw ginugunita ang kapanganakan ng ama ng wikang pambansa, si Manuel Quezon. Saktong natapat pa sa araw ng Linggo ang okasyong ito kaya ano pang silbi't may pasok pa rin sa Lunes. Maaga akong nagising at pagkaalmusal, karaka-karaka akong nagrepaso. Walang ginawa sa buong umaga kundi isubsob ang sarili sa pag-aaral, nang sa ganon ay may maisagot sa darating na Board Exam. Pagpatak ng tanghali, tigil muna sa pagrerepaso't gawaing bahay ang inatupag ko. Matapos magwalis-walis at punas, balik ako sa pag-aaral. Sumapit nanaman ang hapon, kaya ang antok ay muling sumasanib sa aking mga mata't tila sinasabi ng sarili na kailangan ko munang matulog. Sa una, nakakaya pang pigilan ang antok kaso ang problema, hirap naman makapag-concentrate at ikintal sa isipan ang inaaral kapag inaantok kaya napagpasyahang magpahinga muna. Pagkadilat ng aking nagkikinamang mata, ipinagpatuloy ko ang pag-aaral.

12M-K. Hindi nga inaantok subalit hirap pa rin ituon ang sarili sa inaaral dahil sa namamayaning kaingayan sa aming lugar at panay pa ang patugtog ng aming kapit-bahay, puro Jologs lang naman ang laman. Kinagabihan, time out muna sa pag-aaral at tamang libang lamang sa panonood ng Telebisyon. Muling bumalani ang habag sa tutulog-tulog kong dibdib nang matunghayan sa Kapuso mo, Jessica Soho ang isang bata na mayroong ina na may kondisyon sa pagkilos at araw-araw nitong akay-akay sa pagpasok habang nakasakay ito sa Wheel Chair pagkat hirap maglakad. Lubhang napakabata pa niya kung iisipin, subalit pasan-pasan na ang napakabigat na responsibilidad pagkat silang dalawa na lamang ang magkaramay matapos pumanaw ang kanilang padre de pamilya. Nawa'y may ginintuang loob ang hindi magdalawang-isip na tumulong sa kanila, nang sa ganon ay maibsan kahit papaano ang kalbaryong kinakaharap ng mag-ina sa maghapon. Ibig ko sanang makatulong sa kanila, kaso hanggang dasal na lamang muna ako.  


August 20, 2018
Monday
Year VI-232

12M-L. Hating-gabi na, kasing lalim na ng balon ang gabi subalit sa mga oras na iyon, hindi pa rin makatulog-tulog. Kung kailan malapit nang makatulog, bigla naman nagsipaggising sina Mama at Ate gawa na panay ang hagulhol ni Baby Anya. Ang lakas pa man din ng kanilang pag-uusap na akala'y walang natutulog kaya lalong hindi makatulog. Sumapit na ang Alas-kwatro ng madaling-araw, nanatili pa ring hindi makatulog at gawa na hindi na inaantok pa, bumangon na ko't nag-almusal. Kahit tinamaan ako ng Insomnia, masigla pa rin ang pakiramdam at dahil ginaganahan ako, daglian nang sinimulan ang pagrerepaso. Sa sobrang tutok ko sa pag-aaral, hindi napansing maliwanag na sa labas, kaya naman bukod sa dinig ang pagtilaok ng mga manok ay boses din ng mga tsismosa na walang ginawa kundi pag-usapan ang buhay na may buhay, panay pa ang tawanan na akala may taglay na kakinaman ang Ngipin, nanunuot naman sa ngima.

12M-M. Kahit may kaingayan na sa labas maging sa bahay pagkat gising na sina Mama, tuloy pa rin ako sa pagrerepaso. Ilang sandali pa, bigla na lamang ako inantok. Sa una'y nakakaya ko pang pigilan ang antok kaya sige pa rin sa pag-aaral, kaso nang hindi na kinaya't parang may sariling isip na ang mga mata, nagpahinga muna ako. Saktong tanghalian nang ako'y magising at balak na sanang mag-aral matapos lumamon kaso tinatamad naman ako, lalo na't nag-uulan-ulan nanaman. Katamad mag-aral kapag umuulan at gusto'y nakahilata lamang sa maghapon, muli akong natulog.

12M-N. Bunsod na napasarap ang pagtulog, bandang Alas-kwatro na ako nagising at dahil nanumbalik na ang sigla sa katawan, saka lamang muli nakapag-aral at pambihirang antok na ito, kung di lamang nagpanaig ay dili sana, marami nang naaral subalit hindi rin maganda kung aabusuhin ang sarili't baka hindi pa makapag-exam kapag nagkasakit, buong magdamag ba naman akong hindi makatulog kaya tama lang na bawiin ang tulog sa maghapon. Sige ako sa pagsusunog-kilay maging sa gabi. Balak ko pa sanang magpuyat, kaso antok na't kailangan nang matulog.   


August 21, 2018
Tuesday
(Ninoy Aquino Day)
Year VI-233

12M-O. Kapag empleyado ka nga naman o estudyante, may mga araw na maliligaya gaya ngayong araw na walang pasok upang ipagdiwang ang 35th Anniversary ng pagkamatay ni Ninoy Aquino at Edil Adha ng mga kapatid nating Muslim. Sa panahon ngayon, tatlumpung taon na ang nakakaraan magmula ng paslangin si Ninoy Aquino dahil lamang sa tinuligsa nito ang pamumuno ng isang diktador, nakakalungkot isipin at nayayamot ako sa mga taong nakalimot sa kabayanihan niya pagkat kung sino pa yung mga naagrabyado, gaya ng mga Aquino, sila pa yung nahuhusgahan at iniisip, salot daw sa lipunan. Samantala ang mga Marcos na nagbigay pasakit sa ating bansa nung nasa kanila ang kapangyarihan, sila pa ang tinitingala't pinagtatanggol.

12M-P. Ano ba nangyayari sa mga Pilipino ngayon, bakit tila nagbubulag-bulagan sila, bakit tila sa mga Aquino pa sila galit, ano bang nagawa nilang kasalanan sa ating bansa. Oo, batid kong may pagkakamali't sala rin sila, pero di hamak na mas mabigat at maraming kasalanan ang nagawa ng mga Marcos at mas maraming mabubuting bagay naman ang mga Aquino kaya para sa akin, si Ninoy dapat ang nakalibing sa libingan ng mga bayani't hindi iyang si Ferdinand Marcos na gaya ni Adolt Hitler, libo-libo ang ipinapatay. Hindi ako fan nina Cory at Ninoy Aquino pero sa kanila ako naniniwala na marami silang magandang naidulot sa ating bansa.
12M-Q. Palibhasa kasi sa mga taong nanghuhusga't pinag-iisipan nila ng masama, mga walang alam sa nangyari nung Martial Law at baka nakakalimutan nila, kung hindi dahil kay Cory Aquino, nanumbalik ang demokrasya sa ating bansa na kinuha't ipinagkait ni Ferdinand Marcos kaya mahiya ang mga taong nanghuhusga sa kanila ng di maganda. Pagkagising ng matang kakagaling lamang mula sa kahimbingan, pagbabasa agad ang siyang inatupag. Buong umaga, wala akong ginawa kundi magpakasubsob sa pag-aaral maging sa pagsapit ng hapon. Kinagabihan at gawa na sumasakit na ang ulo sa kakaaral, libang muli sa panunuod ng Telebisyon. Mga bandang Alas-onse nang maisipang matulog.    


August 22, 2018
Wednesday

Year VI-234

12M-R. Sumapit na ang Ala-una ng madaling-araw, hindi pa rin ako makatulog-tulog. Kung kailan paumaga na, saka pa nakatulog kaya ang resulta, bandang Alas-nuebe na nagising. Sa aking pakiwari, tila nagkakaproblema na rin sa pagtulog pagkag ilang araw ko na itong nararanasan, ang hindi agad makatulog. Gayunpaman ay wala dapat ipangamba pagkat simpleng bagay lamang ito. Pagkaalmusal, gawaing bahay ang inatupag ko. Matapos ang gawaing bahay ay saka lamang ako nagrepaso. Ilang sandali pa, pagsagot naman sa Test Drills ang inatupag ko. Sa hirap ng pagsusulit, hindi mapigilan ang mapakamot sa ulo't ibig nang umayaw, kinakabahan na tuloy ako. Walang mangyayari kung magpapadala sa kaba kaya kailangan kong maghanda ng husto.

12M-S. Hiling ko lang sana'y maging madali ang pagsusulit nang sa ganon ay hindi na kakaba-kaba pa ang dibdib. Matapos magsagot ng Test Drills, libang muna ako sa panunuod ng Telebisyon. Ang kaninang ako na nababalisa dulot ng Test Drills, napalitan ng saya pagkat daming halak na parang wala nang bukas habang nanunuod ng Showtime at wala pa ring kakupas-kupas sa pagpapatawa. Matapos at dahil medyo tinatamad akong magkikilos-kilos, hilata muna ng lagay sa kama hanggang sa makatulog. Sa sarap ng tulog, saktong papikit na ang liwanag nang magising at dagliang nanghapunan. Kinagabihan, pagtitinda ang inatupag ko. May kalaliman na rin ang gabi nang mapagpasyahang matulog.


August 23, 2018
Thursday

Year VI-235

12M-T. May araw na sa labas nang magising si Sleeping Beauty mula sa mahimbing nitong pagkakatulog at nawa sa muli kong paggising ay maramdamang may bibig nang dumadampi sa aking labi na walang iba kundi si Special Someone. Marahil ay hanggang pangarap na lamang ako na maging kami’t kailangan ko na siyang iwaksi sa isipan at humanap ng iba, yung tipong matatanggap ako ng buong-buo at mauunawaan. Pagkaalmusal, pagiging yayang serbidora ang asta ko’t medyo ginaganahan kaya nilubos-lubos na’t push ko pa. Matapos magpakapagod sa gawaing bahay at dahil wala namang pupuntahan, pagtitinda ang inatupag ko. Habang nagtitinda at upang hindi mabagot ng tuluyan si akong naghihintay ng mamimili’t nag-aabang na rin ng papalit kay Special Someone, tamang sulat lamang ng kwento. Yung tipong sa panahon ngayon na nagmahal na ang mga bilihin, pero siya hindi mo malaman kung kailan magmamahal, o baka may mahal na siyang iba, hindi niya lamang maibuhos sa akin.

12M-U. Hindi ko naman pinoproblema kung hanggang ngayon, sa edad kong bente-dos ay wala pang minamahal at kasiping tuwing gabi at hanggang minumutya lamang muna, kaso kailan kaya darating ang araw na iyon at di mapigilang masabik kapag naiisip iyon. Marahil ay unahin ko muna ang mga pangarap sa buhay bago maghanap ng taong mamahalin ng tapat at tunay. Kapag may natipuhan muli ako, hindi na mahihiya pa’t karaka-karaka nang bibigkasin sa harapan niya ang mga nararamdaman ko, I swear! Matapos mananghalian, panunuod ng Telebisyon ang inatupag ko. Saya muli ng araw dahil sa Showtime at Petmalu sa pagpapatawa ang aking Lodi na si Vice Ganda. Ang husay nitong magpatawa at pakiramdam ko, marahil kapag buhay komedyante ka, araw-araw kang maligaya pagkat bukod sa napapaligaya mo ang maraming tao, lumiligaya ka na rin kapag napapatawa mo sila at bawat pahirit mo’y bentang-benta sa kanila. Bukod pa roon ay nakakamtan mo ang lubos na ligaya kahit still Single or complicated ka pa, maarte kasi.

12M-V. Kahit bet na bet ko na talaga si Vice Ganda simula nang ito’y sumikat pagkat nakaka-inspired ang naging buhay nito at parehas pa kami ng nilalaman ng puso, hindi ako umaasa na magiging gaya ko rin si Vice Ganda balang araw pagkat naniniwala na ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang tinatahak sa buhay. Malay ko naman, mas higit pa ang magiging buhay sa tinatamasang buhay ngayon ni Vice Ganda at doon ako talagang umaasa. Ibig ko rin magpaligaya ng tao o maging komedyante someday gaya ng aking idolo, kaso marahil ay hindi iyon ang nakatadhana sa akin at may ibang bagay ang nakalaan, hindi ko alam kung ano.  Kinagabihan, panunuod naman ng Dokumentaryo sa Iwitness ang inatupag ko’t muling binalot sa pagkahabag ang dibdib nang matunghayan ang buhay ng mga taong may problema sa pag-iisip o kung ang tawag sa amin bilang Sikolohista, Schizophrenia.

12M-W. Halos buong buhay nila, nakagapos lamang na parang hayop at doon na rin kumakain o dumudumi sa kanilang kinalalagyan. Sa totoo lamang, kay hirap nga naman ng kalagayan kapag dinapuan ka ng ganong sakit at bukod sa nagiging bayolente, pakiwaring iba ang mundo mo’t hindi ka pa matatahimik dulot ng Hallucination at madalas na may pag-aalinlangan dulot naman ng Delusion. Never kong naranasan ang Schizophrenia subalit dahil sa nagbabasa-basa naman ako paminsan-minsan at nakakalap na kaalaman sa apat na taong pag-aaral ng Psychology, batid at dama ko ang pakiramdam nang may ganon kaya sana, sa mga taong matino-matino’t walang alam hinggil sa sakit na iyon, palawakin ang pag-unawa sa halip na pairalin sa sarili ang pagiging mapanghusga.       



August 24, 2018
Friday
Year VI-236

12M-X. May kaningningan na ang kalawakan sa labas nang magmulat ang mata’t ano ba yan, hindi pa rin natupad ang akin inaasam-asam, makaranas ng matamis na pagdampi ng bibig sa akin paggising. Kahit panaginip lamang iyon maganap, kuntento na ko pagkat batid na imposible iyon. Pagkahigop ng mainit ngunit di naman nakakapasong kape, daglian na akong nagrepaso. Sa sobrang tutok ko sa pagrerepaso kahit hindi naman lubos maunawaan ang binabasa, hindi namamalayan ang pagpatak ng tanghali at kailangan nanaman palang mananghalian. Pagkalamon ko at dahil tinatamad nang mag-aral, tamang libang muna sa panunuod ng Telebisyon. Iyan ang hirap sa akin, kapag ang mga bagay na hindi mahahalga, sinisipag subalit kung ano pa yung mga dapat gawin at magbibigay silbi sayo, kinatatamaran. Naalis naman ang aking pagkatamad matapos magpakalibang sa panunuod ng Telebisyon at agad na ipinagpatuloy ang pagsusunog-kilay.

12M-Y. Umiiral muli ang antok sa mga mata subalit kailangang pigilan at walang ginawa sa halos buong maghapon kundi magrepaso at magtinda na rin. Saka ko lamang itinigil ang pagrerepaso nang hapunan na. Kinagabihan, siksik-liglig at umaapaw ang aking pagkagimbal nang matuklasan ni ina na may nagbayad sa amin ng perang papel na bukod sa ito’y halos gula-gulanit na pwede na ngang pampunas ng pwet, may nakasulat pang “Tang-ina, hindi sa inyo ito, kakarmahin din kayo!”, nakaramdam ako ng pagkagigil nang mabasa iyon at napakabalahura naman kung sinuman siyang pangahas at lapastangan! Sa una, hindi ko matandaan kung ako nga ba ang tumanggap ng ganung pera, sa dami ba naman ng bumibili, matatandaan pa ba kung sino ba ang naglusot ng perang iyon kaya panay tanggi kina Mama at nagtuturuan pa pagkat di lang naman ako ang nagbantay sa tindahan.

12M-Z. Hanggang sa hindi inaasahan, muling nagsilang ng hidwaan sa pagitan namin ng ate. Paano, makapagsalita ito sa akin, akala siya na ang magaling at pinapalabas kina Mama na hindi dapat akong pagkatiwalaan. Labis na sumama ang loob ko sa mga sinasabi niya kaya wala nang ano-ano pang kinompronta ito, sa kabila na nagkakagulo na dulot ng pera. Hindi naman gaanong nagtagal ang sagutang maaanghang namin ni ate at kinalaunan, nagkaroon na si Mama ng taong pinaghihinalaan nito. Sa una’y hindi ako lubos mapaniwala pero habang dinetalye nito ang pangyayari, unti-unti na kong nakukumbinsi at napakawalang hiya naman niya! Kabata-bata pa nito’y nakakagawa na ng kataranduhan sa buhay at sa inis ko, ibig nang sumugod sa kanilang bahay at isiwalat sa kanyang mga magulang ang kawalang-hiyang ginawa nito sa amin, napigilan ko lang ang sarili at pasalamat siya.

12N-A. Sa huli, sa halip na itapon ay napagdesisyunan naming itago ang perang papel para maipakita sa kanya kung sakaling bumili ito ulit sa amin. Dahil sa pangyayari, naging masiyasat na kami sa bawat perang papel na pumapasok sa tindahan. Bakit ganito ang mundong aking kinalakihan, lipana ang mga taong manloloko at handang manlamang ng kapwa? Kung sino pa yung mga saliran at may sala sa batas, sila pa ang madalas makaligtas sa hatol ng taong bayan at tila kay hirap nga naman makamit ang hustisya sa mga nadedehado, kaya maiging ipagpasadyos na lamang pagkat may mga pagkakataong nalulusutan nila ang mga umiiral na batas at nakakatakas.    



August 25, 2018
Saturday

Year VI-237

12N-B. Kahit sarap na sarap pang humilata ng lagay sa kama, nahihirapan man ay kailangan nang bumangon para makadalo sa muling pagbubukas ng aming review class. Naging maulan muli ang panahon subalit sa kagustuhang may matutuhan at may maisagot sa darating na Board Exam, hindi nagpanaig sa katamaran at pumasok pa rin. Napapansin ko lang na sa tuwing aming Review Class, tila hindi nakikisama ang panahon pagkat palaging maulan. Dahil nahuli ng dating, saktong naroroon na ang Instructor sa harapan pagkarating ko’t Abnormal Psychology ang nakatakdang subject sa schedule para sa linggong ito. Siya si Sir Amnion, gaya ng mga nagdaang Instructor ay medyo bata-bata pa ito subalit may katabaan naman. Batid kong may kahirapan ang asignaturang aming nirerepaso at kailangan na kailangan nang dibdibang pag-aaral at seryoso pa subalit naging makwela ang aming klase dahil nilalahukan nito ng kakatawanan at pampatanggal stress at Badvibes sa buhay.

12N-C. Ang kaninang kaming tuwang-tuwa sa galak dulot ng pagiging komedyante ang kengkoy ni Sir Amnion, biglang kinakabahan habang nagsasalaysay ito patungkol sa naging karanansan nito sa pagkuha ng Board Exam. Sa bawat detalyeng lumalabas sa kanyang bibig ay para bang nilalapirot ng kaba ang kanya-kayang mga dibdib at kahit hindi pa sumasabak sa ganung sitwasyon, pakiwaring nangyayari na. Sa mga tanong pa nga lang sa aming mga Test Drills na tipong napakatuso ng pagkakagawa, nakakakaba na, what more pa kaya kung Actual Board Exam na't hindi ko na mapigilang isipin ang mga posibleng mangyari na baka sa sobrang kaba, bigla na lamang mapaihi o mahimatay bago magsimula ang pagsusulit.

12N-D. Hindi man biro ang darating na pagsusulit bilang kami’y mga nagsipagtapos sa Psychology at tipong pangmatalino lamang ang makaka-survive at walang panama ang aanga-anga ang isipan, basta’t nag-aaral at naghahanda ka naman ng mabuti at ipinakita ang lahat ng makakaya, hindi hahayaan ng Diyos na ika’y lumagapak pagkat batid nating lahat na maawain ito, manalig lang tayo sa kanya’t magtiwala sa sariling kakayahan. Sa sobrang lakas ng impact ng kwento ni Sir hinggil sa karanasan nito sa Board Exam, hirap maka-get-over ang isipan kahit iba na ang topic. Ilang sandali pa’t matapos ang halos apat na oras, lunch break.

12N-E. Matapos ang Lunch break, ibig ko na sanag umuwi pagkat umalis na sina Abbie at kami na lamang nina Yvonne ang natira, nakakawalang gana na ring mag-review subalit mas inuna ang prinsipyo kaysa sa sariling kagustuhan kaya ang resulta, manakit-nakit na ang bungo ko pagkauwi ng bahay sa dami ng lesson na naiimbak sa utak at sana manatili iyon hanggang sa darating na Board Exam. May naganap nanaman palang hindi kaaya-aya pagkat ninakawan daw kami ng kable ng kuryente. Kung kahapon, kaagad na nabatid kung sino ang salarin sa pagsasabotahe sa amin, ngayon ay hirap matukoy kung sino ang nangnakaw ng amng kable’t gaya ng sinabi ko, ipagpasadiyos na lamang. Sa panahong tila nagkakasunod-sunod ang mga dumarating na problema, masaya pa rin ang mabuhay pagkat mapalad pa rin kami at nanatiling ligtas ang bawat sa isa sa pamilya.      



August 26, 2018
Sunday

Year VI-238

12N-F. Sa ganda ng napaginipan ko na siyang nagbigay sarap sa pagtulog, laking buka ng bibig nang makitang Alas-nuebe na pala’t abala na sina Mama sa pagluluto ng pananghalian. Mga dakong Alas-dyis nang makatungtong ako sa Diliman College at sa halip na irampa ang balingkinitang yapak sa Auditorium, naghanap ako ng matatambayan at doon muna nanatili, nagpalipas ng oras. Habang nagpapalipas ng oras, pagsusulat ng kwento ang inatupag ko. Nang pumatak ang Alas-dose ay saka lamang dumako sa Auditorium at saktong hindi pa tapos magturo si Sir Amnion. Sa aking pagpasok ay namayani bigla ang tuwa sa dibdib kahit mababaw lamang pagkat hindi inasahan na ganon kainit ang pagsalubong sa akin nina Hannah at sobrang na-appreciate kong naglaan sila ng upuan para sa akin. Habang lunch break at nagkakainan ang bawat isa amin, walang ginawa kundi magkwentuhan at tawanan na rin.

12N-G. Ang sarap nga naman mag-review kung ang mga kasama mo na bukod sa mababait, naiintindihan ka. Saka lamang natigil ang aming kasiyahan nang magsimulang magturo si Sir Amnion at kakabagan muli ang sikmura sa kakatawa. Dahil patungkol sa mga Disorders o sakit sa pag-iisip at pagkatao ang laman ng topic, todo pakinig ako di dahil sa ibig pumasa kundi pakiwaring may kakaiba sa sarili at marahil sa araw na ito, malaman na kung anong uri ng sakit ang aking tinataglay. Hindi ibig sabihing may problem aka sikolohikal ay wala nang kakayahang gawin ang nagagawa ng mga normal kung sino pa nga ang taong sa tingin natin ay walang kapasidad ay mas maabilidad pa pala sa atin kaya huwag silang maliitin.

12N-H. Mga Bandang Alas-singko nang matapos ang aming review class at sa halip na umuwi na, sinamahan ko muna sina Abbie. Nakakainis silang kasama pagkat bawat tianggeng madaanan, humihinto sila para makapamili ng isusuot, kaya ang resulta’y tumatagal sa paglalakad at marahil kung sila ang makakasama mo, aabutin ng siyam-siyam sa daan. Ayaw ko pa naman sa mga kasama, yung pahinto-hinto at ang tagal pa tumingin o pumili, kakainip. Dahil nakakainip silang kasama, napagpasyahan ko nang humiwalay. Pagkarating ng bahay, daglian akong nagpahinga at tamang relax lamang sa panunuod ng Telebisyon. Dahil ugali ko ang magpuyat, may kalaliman na rin ang gabi nang mapagpasyahang matulog.      



August 27, 2018
Monday
(National Heroes Day)
Year VI-239

12N-I. Araw ng mga magigiting bayani na buong tapang na ipinagtanggol ang ating bayan laban sa mananakop kaya nararapat lamang na ilaan ang araw na ito paggunita’t pagkilala sa kanila. Hindi man natin katulad ang mga kinikilalang bayani gaya ni Jose Rizal, naniniwala ako na bawat isa sa atin, pwedeng maging bayani, ultimo mga ordinaryong mamamayan lamang pagkat may karapatang ipagtanggol at magmalasakit sa bayan o kapwa. Kaya isang malaking pagbibigay-pugay para sa lahat ng bayani at mga nagpapakabayani gaya ng ating mga magulang. May kataasan na ang sikat ng araw ako nagising at pagkaagahan, pagrerepaso agad ang siyang inatupag. Sa sobrang abala ko muli sa pag-aaral at pagiging buhay tindera, hindi namamalayang tanghaling tapat na pagkat wala talaga akong malay kapag may pinagkakaabalahan. Maya-maya pa at dahil medyo tinamad-tamad na rin sa pagrerepaso, tigil muna ako’t paglalagay ng Cutix sa kuko ang pinagkaabalahan.

12N-J. Nanghihinayang lamang ako, bakit ngayon lamang ito naisipang gawin at pakiramdam ko habang inilalapat ang Cutix sa bawat kuko, parang isang tunay na babae at feel na feel ang kintab at makulay na kuko. Kinahapunan, ipapagpatuloy ko sana ang pagrerepaso, kaso tuluyan nang tinatamad at nawalan ng gana, lalo na’t kumikirot-kirot ang Singaw sa may bandang mukha’t hirap tuloy ngumuya. Sa sakit at hapdi ng singaw, parang lalagnatin ng lagay. Maging sa aming hapunan ay patuloy na nananakit ang singaw kaya anong hirap sa pagnguya, hindi ko tuloy ma-enjoy ang kinakain at sa bawat panguya’y sumisipa ang takot sa dibdib, natatakot na baka makagat ang singaw at ang matinding sakit ang kahihinatnan kung magkataon. Kinagabihan at kahit tila namamaga ang mukha dulot ng singaw, nagbantay pa rin ako sa tindahan. May kalaliman na rin ang gabi nang mapagpasyahan ng isip na matulog.      



August 28, 2018
Tuesday
Year VI-240

12N-K. Hindi na gasino kasakit ang singaw na ilang araw nang iniinda ang hapdi’t kirot lalo na kapag ngumunguya. Pagkaangat ng sarili mula sa higaan, gawaing bahay kaagad ang inatupag ko. Dahil kailangan ko pang magtungo muli ng School upang asikasuhin ang CAV o Certification Authentication and Verification na isa sa hinihinging requirements sa pagpa-file. Pagkaapak ng OLFU at kamakailan lamang nang huling mapadako roon subalit tila ang laki na ng pinagbago at marami nang mga bagong tayong Canteen at Restaurant. Bukod pa roon ay gumanda ang mga Building at para nasa Exclusive School ang dating. Kainaman lamang pagkat kung kailan nakapagtapos na kami, saka pa gumanda nang ganon ang paaralan at habang tinumtumbok ng aking balingkinitang yapak ngunit mabalbon ang Registrar Office, daming ala-ala ang sumasagi sa isipan nung panahong nasa College at nakaka-miss. Sadyang kay bilis ng panahon at di akalaing di na pala ako estudyante at may maipagmamalaki na sa mga nakakasalubong na magtatangkang mang-alipusta at maliit sa akin. Pagkatungo sa Registrar Office, saktong naroroon na ang aking Evaluator at bago makuha ang request letter for CAV, may pinagawa pa ito sa akin.

12N-L. Pagkabalik, saktong naka-break daw ito, kinailangan pa tuloy maghintay. Mabuti na lamang, nandoon si Amber na dating kaklase’t habang hinihintay naming dumating ang Evaluator, tamang palitan lamang ng kuro-kuro. Mga bandang Ala-una nan gang Evaluator at pagkakuha ng Request Letter, daglian nang nilisan ang unibersidad at napapaisip ako na marahil, ito na ang huling pagkakataong makakaapak sa OLFU. Hindi ko mawari kung makakaapak pa muli sa unibersidad na iyon, maliban na lamang kung matatanggap ako bilang Guidance Counselor pagkat balak din magtrabaho roon. Hindi ko mawari sa sarili’t tila napamahal na marahil sa unibersidad na iyon kaya ganun na lamang kahirap para sa akin ang magpaalam at parang ayaw ko munang magpaalam.

12N-M. Sa halip na umuwi pagkat wala pa kong balak, gumawi pa sa bahay ni Myrrh. Nang una, inakalang wala ito pagkat makailang ulit nang kumakatok ngunit hindi naman pinagbubuksan at aalis na dapat ako nang biglang may maulinig na may nagsasalita. Nang mapagbuksan ay inakala kong Tatay niya ang lalaking kasama subalit Biyenan niya pala. Sa tagal ng panahong hindi nagkikita, sobrang na-miss namin ang isa’t isa kaya walang ginawa kundi makipagkamustahan at kwentuhan na rin. Lalo pang sumaya ang pananatili sa kanila nang makipag-Video Call kay Nikki at nakaka-miss ang panahong magkakasama kaming tatlo. Sa saya, parang di ko muna ibig umuwi at doon na mag-overnight sa kanila subalit may bahay akong kailangang uwian at baka malingilan nina ina. Saktong naghihingalo na ang liwanang nang makarating sa bahay at ulam agad ang hanap-hanap. Dala ng pagod, hindi na nagpakapuyat pa at kaagad nang natulog.      



August 29, 2018
Wednesday

Year VI-241

12N-N. Panibagong araw muli ang aking kakaharapin na punong-puno ng sigla at umaasang magiging mapalad ang araw na ito. Pagkalamon ng agahan, pagtitinda ang inatupag ko. Pagsapit ng tanghali, naghanda-handa’t bihis na ko pagkat tutungo naman ngayon sa CHED para kuhain ang CAV. Pagkatungtong ng CHED, kinabahan ako bigla pagkat muntikan nang hindi papasukin ng gwardiya, lalo na’t invalid ID ang naibigay sa kanila at wala nang dala pang ibang ID. Walang ginawa kundi makiusap sa kanila at maigi na lamang, pumayag sila na ang dalang TOR ang maging Collateral kaya malaya nang nakapasok at labas-masok pa nga kung nanaisin. Dahil medyo nangangapa-ngapa pa ko sa pag-asikaso ng CAV at nakakatanga, hindi mapigilan ang magtanong.

12N-O. Habang nagbabayad, naimbyerna lamang ako sa Cashier pagkat may kasungitan at hindi ko naman kasalanan kung hindi marinig ang sinasabi nito pagkat masyadong makapal ang Jalousy at wala pang gaanong butas na mapaglulusutan ng transakyon. Pagkabayad at sa halip na umalis ay kinailangan pang maghintay at makaraan ang dalawang oras nang matawag ako. Inakalang makukuha ko na ang CAV subalit sinabing sa ibang araw at pambihira, kailangan ko pang bumalik. Dahil batid ko na naroon si Nikki sa bahay nina Myrrh at di ibig na sayangin ang pagkakataong magkikita-kita’t magkakakasama kami, muli akong nagtungo sa kanila. Si Myrrh at ang anak lamang nito ang nadatnan ko’t sinabing Alas-kwatro pa raw darating si Nikki. Habang ito’y hinihintay palitan muli kami ng kuro-kuro at ilang sandali pa nang dumating ang kinakasama nitong si Mark.

12N-P. Sumapit na ang Alas-kwatro, di pa dumarating si Nikki, ni hindi nga ito nagpaparamdam sa amin kaya napapaisip na mukhang malabo nang dumating ito. Nanatili pa ko kina Myrrh hanggang Alas-singko, nagbabakasakaling darating pa si Nikki subalit wala talaga ito’t mukhang hindi na niya kami sisiputin kaya napagpasyahang ko nang magpaalam kay Myrrh. Kinagabihan, balak ko sanang gugulin ang sarili sa pagrerepaso, kaso pagod na’t tila sinasabi ng isip na matulog ka na. Kaya ko pa naman ang pagod at medyo maaga pa kaya nagawa pang pigilan, kaso habang tumatagal ay sumasakit na ang ulo’t tila nagwewelga na ang utak, maaga akong natulog.                  



August 30, 2018
Thursday
Year VI-242

12N-Q. Gaya ng mga nakaraang araw at dahil may kasibaan sa pagtulog ang lola niyong feeling si Sleeping Beauty, tinanghali muli sa paggising. Nang makapag-agahan, naisipan kong maglaba. Tila nakikiayon ang panahon sa aking gawain pagkat maaliwalas at tila nakangiti sa’yo ang araw, tamang-tama sa pagsasampay. Matapos maglaba, saka lamang ako nakapag-repaso. Sinamahan ko na rin ng pagtitinda habang nag-aaral para maipakita ang silbi’t makatulong kina ina. Tutok muli ako sa pag-aaral kaya hindi napansing tanghaling tapat na pala't ka’langan nang mananghalian. Anong alinsangan muli ng panahon na halos ikakatusta na nga’t ang kaninang nakangiting araw sa’yo, tila nag-uumapoy nag alit kaya ang resulta, biglang bumuhos ang ulan. Sinabayan pa ng mga pagkulog at kidlat, dalawang bagay na lubhang nagbibigay takot sa akin kaya heto muli’t mistulang tinakasan ng bait kung magtalukbong.

12N-R. Tumagal ang Thunderstorm hanggang sa maghingalo ang liwanag kaya halos pagpawisan na dulot ng takot at napapansing tila lumalala ang aking Phobia. Pagsapit ng gabi, humupa nga ang ulan subalit pumalit naman ang kaingayan sa kapaligiran, kaya ang resulta’y hirap na hirap makapag-concentrate sa pag-aaral. Kahit may mga bagay na sadyang nagbibigay distraksyon sa’yo sa pagkamit ng minimithing pangarap, ang makapasa sa Board Exam, kailangang magpakatatag at huwag hayaang magpaapekto. Magulo’t maingay man ang Mundong kinasasadlakan, hindi nangangahulugang magpapadala na lamang sa agos pagkat naniniwala akong bawat isa sa atin ay may kakayahang baguhin kung ano ang tinatahak na landas. Kung hindi ka man kasing talino ng iba, hindi nangangahulugang hindi mo na sila mahihigitan at may pagkakataong kung sino pa ang inaakala nating masama, daig pa pala ang anghel sa kabanalan kapag makilala. Kung mahirap ka, hindi nangangahulugang habang-buhay ay mahirap ka na.  



August 31, 2018
Friday
Year VI-243

12N-S. Yung sa dami ng iyong inaasikaso o ginagawa, hindi namamalayang huling araw na para sa buwang ito at dadako nanaman pala tayo sa Ber Months. Pagkagising, pagrerepaso at tinda kaagad ang aking pampalipas oras. Dahil ngayong araw ko na kukuhain ang CAV sa CHED, bago pa man magtanghali, daglian na kong nagbihis at nagpaganda na rin para makauwi kaagad mamaya. Dakong Ala-una nang makatungtong ako sa CHED at laking tuwa pagkat gawa na ang aking CAV. Hindi rin naman ako nagtagal doon at hindi na nagsayang pa ng oras sa pagtungo sa Professional Regulatory Commission doon sa Robinson Novaliches para isumite na ang mga Requirements at makapagrehistro na rin para Board Exam. Habang papalapit ang yapak sa may PRC, napapaisip na wala nang atrasan ito’t nawa’y kayanin ko talaga. Kahit branch lamang ang napuntahang PRC, madami-dami pa rin ang pumipila at dahil first timer ko pa lamang, hindi maiwasan ang magtanong pagkat nangangapa talaga ako’t hindi alam ang mga proseso.

12N-T. Bukod pa roon ay kailangan ko pang mag-online at hindi pa naman iyon ganung kadali kaya mistulang nakakabulahaw na sa mga nakapila hanggang sa hindi inaasahan, nagkita kami ng dating kamag-aral na si Erick (Sabio) at kanina pa raw ito nakapila. Bukod kay Erick kay naroroon din ang isa pang kamag-aral na si Karl Ferdinand at tila kay liit nga ng mundo pagkat di akalaing aksidente kaming magkakatagpo-tagpo. Dahil naroroon na pala ang mga dating kamag-aral, sa kanila na nagtanong-tanong at kamustahan na rin. Laking gulat ko na lamang nang mabatid na may bayad pa pala ang pagpopreso ng mga requirements at di nakapag-prepare ng pambayad kaya sa halip na mag-submit na, nagpaturo na lamang ako.

12N-U. Medyo natagalan ako ng PRC pagkat marami pang inayos sa aking Account at nangangapa talaga. May napuntahan naman kahit papaano ang pagtungo ko ng PRC pagkat fully-registered na ko’t kailangan pa bumalik sa Lunes para magpasa ng mga requirements. Sa halip na umuwi at dahil wala pa talagang balak ang isipan, nagtungo muna ako ng SM Fairview. Namasyal-masyal kahit walang kasama at maya-maya’y dumako ako sa National Bookstore at nilibang ang sarili sa pagbabasa. Yung tipong tutok na tutok ako sa pagbabasa ng kung anong madampot na libro’t nasasarapan na, nasira nang biglang sitahin ng gwardiya’t sinabing browsing lamang at bawat ang Private Reading. Nagkaroon ako ng Culture Shock sa naganap pagkat hindi naman ipinagbabawal ang pagbabasa sa Bookstore kahit tapusin mo pa kung sinisipag-sipag. Hindi ko na kinompronta pa ang gwardiya pagkat nagpaliwanag naman ito’t gawa na bawal na pala ang magbasa sa Bookstore pagkat di naman iyon Library, umalis na lamang ako.

12N-V. Diretso lamon ako pagkaapak ng tahanan at nang malamnan ang lola niyong nagpi-feeling na may Sinapupunan, nagsunog-kilay muli ako. Hindi nanaman makapag-aral ng maayos pagkat bukod na nag-uumapaw ang kaingayan sa labas, panay pa ang paghagulhol ni Baby Anya na halos hindi na alam ang gagawin para mapatahan ito. Palibhasa’y hindi pa umuuwi ang nanay nito’t naiinis talaga ako kay ate pagkat di ito nag-iisip. Wala naman masama sa kanyang ginagawa’t sa katunayan ay nakakatulong pa nga ang pagpunta-punta nito sa mga kliyente para matustusan lahat ng pangangailangan ng aking pamangkin subalit hindi man nito naisip na makiusap sa kanyang kliyente na hindi siya pupwede pagkat may anak itong kailangang alagaan, lalo na’t wala sa piling nila ang tatay.


12N-W. Tapos siya pa ang galit at nakukuha pang magmataas kapag pinagsasabihan at sa totoo lamang, naawa na ko kina Mama sa kakaalaga kay Anya pagkat maghapon na pala’t kahit palalim na ang gabi’y kailangan pa rin idilat ang mga mata para alagaan ang bata. Sa ginagawa ng ate, tila konsumisyon na ito sa amin, buti sana kung may asawang katuwang nito sa pag-aalaga. Dinig na ang tilaok na ang manok, hudyat na umaga na nang makauwi ang ate’t saka lamang natapos ang paghihirap nina ina sa pag-aalaga, pagbibitbit at pagpapatahan ng bata.