Martes, Hulyo 31, 2018

67. July 2018 Journal (Day 2008-2038)

July 01, 2018
Sunday

Year VI-182

12G-F. Sa takaw kong matulog, dakong Alas-sais na ng umaga nagising. Kahit halos tinanghali na ng gising kung di naman makupad sa pagkilos, hindi naman nahuli ng dating sa Diliman College at saktong wala pa si Ma'am Hazel. Wala pa rin pagbabago at kahit mga nagsipagtapos na, astang kolehiyo o high school  pa rin pagkat bukod sa mga walang preno ang bibig, ngayon pa lamang ginagawa ang take home test at yung ilan, halatang nagkokopyahan pa sa katabi, tila walang pinagkatandaan. Mabuti na lamang ako, tapos na kaya review na lang habang hindi pa nagsisimula ang review session. Ilang sandali nang pumasok si Ma'am Hazel at nag-lecture. Sa muling pagkakataon ay magsa-suffer ang kanya-kanyang mga teynga pagkat maririnig muli malakas nitong tinig at sa intonasyon ng kanyang pananalita habang nagtuturo, aakalain mong nang-aaway.

12G-G. Kahit halos mawasak na ang Eardrum namin sa lakas at tinis ng kanyang tinig, masaya naman at enjoyable pagkat may pagkakomedyante rin si Ma'am at maya't maya ang tawanang wala nang bukas. Matapos ang lecture, Checking at Rationalization na ng Mock Test kaya ang kaba't sabik, muling sumasanib sa kaloob-looban ng aking Puso. Hindi na mapigilan ang manlata pagkat puro ang nakukuha. Yung kahit na ginawa mo na ang lahat, naging seryoso ka na sa pagsagot, wala pa rin at nakaka-frustrate. Marahil ay kulang pa kaya nakakamit ang ganito. Maya-maya pa, sa wakas ay Lunch Break na't dala na kanina pa nagugutom dulot ng kakakinig kahit naririndi na't sasabog na ang bungo sa dami ng impormasyong kailangang iimbak sa utak. Balik Rationalization matapos ang kainang magbabarkada't parang ibig na ng isip na magpahinga na kahit marami pang dapat pag-aralan at iimbak sa kanya.

12G-H. Kahit namumugto na ang mata sa antok at babagsak na nga, sige pa rin sa pakikinig sa kagustuhang makalikom ng panibagong kaalaman pagkat determinadong makapasa o maging Topnotcher. Sa halos anim na buwan na bubunuin ko sa pagsusunog-kilay, hindi magtatakang magkaroon ng Eye Bag pagkatapos ng Board Exam pagkat puyatan talaga ito. Maya-maya pa, ang ilan sa amin, sumuko na't di na napigilan pang matulog, halatang knock out na. Nang bigyan kami ni Ma'am Hazel ng Break time, saka lamang sinamantala ang pagkakataon para matulog. Dahil saglit lamang, bawat minuto o segundo lamang, ninamnam ko ang pagtulog. Nagising na lamang ako sa lakas ng boses ni Ma'am nang magputuloy ito sa pagtuturo. Ang seryoso't simpleng pagtuturo ni Ma'am sa amin ng Industrial Psychology, nauwi na sa pagiging payaso't maraming oras na namin ito nakakasama magmula pa kahapon subalit ngayon lamang lumabas ang pagkamakulit nito kahit gurang na, kaya kaming mga tagapakinig, kabagan na halos sa kakatawa.

12G-I.  Lalo pa naging makwela si Ma'am Hazel nang malapit na ang uwian at masaya man dahil mistulang comedy bar na ang buong Auditorium dulot ng pagpapatawa ng aming lokaret na Professor, di na mapigilan ang kabahan pagkat lalabas na ang resulta't nang mabilang, dismayado muli ako pagkat hindi pinalad na makapasa. Bagsak man ako, hindi nangangahulugang hindi na makakapasa sa Board Exam pagkat marami pang pwedeng magbago. Marahil, hindi pa sapat ang kaalaman kaya lumagapak subalit sisiguraduhing makakapasa na sa susunod na pagkakataon o baka highest pa nga. Hangga't may buhay at oras, palaging may pag-asa. Bago kami palabasin ni Ma'am Hazel, may inanunsyo muna ito sa amin. Dahil di na namin ito magiging professor sa susunod na mga review session, nagpaalam ito sa amin at bukod sa nakaka-inspired at nakaka-touch ang sinabi nito.

12G-J.  Kahit halos marindi na kami sa lakas ng boses nito, sobrang appreciate ko ang pagtuturo ni Ma'am pagkat gusto niya talagang makapasa kami o maging topnotcher kaya bigay na bigay at buhos ito sa pagsasalita. Bukod sa nadidismaya, umalis rin na malungkot pagkat sa maikling panahon na nakasama namin si Ma'am Hazel, naramdaman kong parang mga anak ang turing niya sa amin, di lamang estudyante na kailangang bantayan at tutukan. Sa halip na diretso sa pag-uwi'y dumaan muna ako sa Saint Peter Church at nagdasal. Bandang Alas-sais na ng gabi ako nakarating ng bahay at pagkahapunan, pahinga muna sa maghapong pag-aaral at ako'y nagtinda-tinda't libang sa panunuod ng telebisyon. Hindi sa lahat ng pagkakataon, parati kang nasa baba at napag-iiwanan na, pagkat dumarating talaga ang panahong maaari kang umangat, basta may pagsusumikap at tiwala sa sarili. 
   

July 02, 2018
Monday

Year VI-183

12G-K. Sumapit nanaman ang araw ng Lunes, hudyat na simula muli ng pasok, mapaopisina man o eskwelahan subalit ang araw na ito'y animoy weekend  para sa akin pagkat ngayon pa lamang makakapaghinga, sa pamasahe at hindi para sa sarili pagkat kailangan kong mag-aral. Pagkabangon at almusal, diretso pagsusunog-kilay na ko. Pinagsabay ko ang pag-aaral, pagtitinda't gawaing bahay. Kahit Multi-tasking ako ngayon pagkat hindi na naaasikaso ang mga dapat asikasuhin, thank God dahil buo pa rin ang lakas ko. Kahit nahihirapan sa pag-aaral at sumasakit na ang ulo sa kakaunawa ng bawat binabasa, ganadong-ganado pa rin Cause I accept those challenges. Sa sipag kong ito, bandang tanghali nang pansamantala ko munang itigil ang pagrerepaso para mananghalian.

12G-L. Balak ko sanang ipagpatuloy ang pag-aaral para maraming malikom na kaalaman at tumaas ang tiyansang makapasa subalit tinamaan na ng katamaran sa katawan, nagpahinga muna ako. Bandang hapon nang ipagpatuloy ko ang pagrerepaso't anong hirap pa rin pagkat hindi talaga pumapasok sa utak ang inaaral. Kahit may kahinaan ang kukote't medyo pulpol, ayaw kong isiping iyon pa ang magiging dahilan para hindi palaring makapasa, basta laban lang ng bonggang-bongga. Maging sa gabi'y abala pa rin sa pagrerepaso kahit sumasakit na talaga ang bungo't pakiwaring sasabog na sa dami ng kailangang iimbak. Hiling ko lang na sana lahat ng pinag-aralan ko, hindi mawala sa isipan hanggang sa sumapit ang araw ng Board Exam. Dakong Alas-onse nang mapagpasyahan kong matulog.   


July 03, 2018
Tuesday
Year VI-184

12G-M. Ibig ko man magising ng maaga para magkaroon pa ng maraming oras sa pagrerepaso subalit sa katakawang matulog, tinanghali na. Diretso ako sa pagsusunog-kilay at pagtitinda nang makapag-almusal. Nakakatuwa dahil gumagana na kahit paano ang utak at madali nang naipapasok sa isipan ang inaaral hindi gaya dati na talagang hirap na hirap at halos sumuko na nga. Sana magpatuloy ang ganito, nang sa ganon pagdating ng Board Exam ay hindi na mangamote pa. Nakakataas ng kumpiyansa sa sarili kapag may natatamong magandang bagay na nagpapataba ng puso. Batid kong hindi biro ang darating na pagsusulit subalit basta't may pagsusumikap at mataas ang kumpiyansa sa sarili, makakayang ipasa kahit gaano pa kahirap. Dahil mawawalan ng tubig ngayong araw pagkat kukumpunihin ang mga metro ng mga taga-Maynilad, tigil muna sa sakit ulong pagrerepaso para mag-ipon hangga't may tubig pa. Nang makapag-ipon-ipon at masigurong hindi kakapusin oras na patayin na ang tubig, balik sa pagsusunog-kilay.

12G-N. Pagpatak ng tanghali at dahil nagkakaubusan na ng Softdrinks at alak sa tindahan dulot na hindi naasikaso bunsod ng problema, kasama ang Tita Susan ay tumungo kami ng Grocery. Ipapa-deliver sana namin ang pinamiling Softdrinks at Alak, kaso wala na raw silang mga Delivery Boy kaya ang resulta, mauuwi sa buhatan. May kalayuan pa naman ang Grocery mula sa bahay kaya kailangan kong ihanda ang katawan sa matinding pagod na bubunuin, lalo na't di na pwede magbuhat ang Tita Susan pagkat may edad na ito. Manlupaypay ako dulot ng pagkahapo habang buhat-buhat ang isang case ng RC patungo sa bahay at sumasakit na ang braso, sige pa rin ako't inisip na lamang ang inspirasyon sa buhay para kayanin pagkat may isa pang Case na babalikan. Kung kailan malapit-lapit na sa bahay, muntikan na kong bumigay dulot ng matinding pagkahapo.

12G-O. Mabuti na lamang at may tumulong sa akin na kapit-bahay. Sa kabila na naglipana ang mga masasamang loob sa Mundo sa panahong ito, may tao pa ring taglay ang kabusilakan ng loob at handa kang pagmalasakitan kaya huwag mangangamba sa kanila. Nang maipasok lahat ng case sa bahay, tumungo naman ako ng LBC para magbayad ng upa sa tubig. Dahil unang beses pa lamang magbayad ng tubig, hindi maiwasang mangapa sa proseso ng pagbabayad kaya maya't maya ako kung magtanong. Pagkauwi't gawa na umiiral na ang antok sa mga mata, sa halip na ipagpatuloy ang pagsusunog-kilay, nagpahinga muna ako. Saka lamang ako nakapag-aral nang magising at habang tutok ang mata sa sangkatutak na impormasyong kailangang unawain ng isip, saktong dumating ang ate at hindi lang iyan, kasama nito ang kanyang kasintahang Amerikano na siya ang ama ni Baby Anya.

12G-P. Ibang klase na ngayon ang kapatid ko't sa banyaga pa napiling pumatol. Game na sana akong makipag-usap at kwentuhan sa kasintahan nitong Kano kahit maaaring tumagas ang dugo mula sa ilong sa kaka-English, kaso may pagkasuplado ito't di namamansin, marahil ay nahihiya lamang siya, lalo na't naiiba kami sa kanya subalit naaamoy ko nang ganon na siya. Mahirap manghusga ng kapwa subalit di rin naman masama kung hindi ka muna magtitiwala. Ang mga kapit-bahay naman namin, tinamaan na ng pagkaignorante't kung makasilip at tingin sa nobyo ng ate, akala'y ngayon lamang nakakita ng Foreigner. Di pa namin gasinong kilala ng Tita Susan ang nobyong kano ng ate kaya di mapigilang magtanong, kaso wala naman nakuhang impormasyon pagkat papigil ang ate, hindi tuloy maiwasang isiping may itinatago ang nobyo nito. Hindi rin nagtagal ang kano sa amin at kaagad din itong umalis.

12G-Q. Yung sabik na sabik akong makilala ang tatay ni Anya dahil sa pag-aakalang mapapaninging nito ang mata ko't liyab na rin ang katawan, kaso nang makita'y ka-dissapoint. Nang pahingalo na ang liwanag nang dumating si Ate Melon para ipasuob muli ang bahay namin at grabe, halos hindi na makahinga dulot ng usok ng insenso't sakit sa ilong. Saka lamang nakahinga matapos ang pagpapasuob at hindi ko lamang maunawaan kung bakit kailangan pa gawin iyon, samantalang naniniwala ako na ang masasamang ispirito, nasa bawat katawan lamang natin at mananatili iyon kung mahina ang pananalig sa Diyos. Kinagabihan at dahil medyo tinatamad na ko sa pagrerepaso, tamang libang lang sa pag-online sa Social Media at pag-stalk na rin sa accout ni Special Someone. Bandang Alas-onse nang maisipan na ng lola niyo maging sleeping beauty.             


July 04, 2018
Wednesday
Year VI-185

12G-R. Dahil feel na feel maging Sleeping Beauty at umaasang makakalasap ng halik ng isang Prince Charming kahit sa panaginip lamang, tinanghali muli ako sa paggising. Pagkaalmusal at dahil ayaw masayang ang oras at sa kagustuhang maging Psychometrician balang araw, nagrepaso ako kahit nakakasawa na't sumasakit ang ulo. Pinagsabay ko ang pagtitinda't pagrerepaso. Dahil kaming dalawa na lamang ng Kuya Al ang naiwan pagkat may pinuntahan sina ate at Tita Susan at di pa nakakauwi ang Papa, nadagdagan ang gampanin ko. Kahit ibig ko pang gugulin ang sarili sa pagrerepaso para maraming maaral, kailangan munang tumigil pagkat bibili pa ng ulam pananghalian at paliliguan ko pa ang kapatid. Sa dami ng aking inasikaso, medyo natagalan din bago ako bumalik sa pag-aaral. Bandang tanghali, saka lamang ako nakapagpahinga nang makauwi si Papa galing ospital. Kinahapunan nang ipagpatuloy ko ang pagtitinda't repaso, saktong kasama muli ng ate sa pag-uwi ang nobyo nitong kano. Dahil medyo may pagkasuplado ito, sa halip na siya ang puntahan ay ang dala nilang pasalubong at labis akong nabusog. Kaagad din naman umalis ang Amboy Friend ng ate't hangga't di pa talaga lubusang nakikilala, di magawang ipanatag ang kalooban. Kinagabihan at dahil walang magawa, nagsunog-kilay muli ako. Balak sanang magpuyat sa pag-aaral, kaso hindi ko na kinaya't ibig na ng isip na matulog.    


July 05, 2018
Thursday

Year VI-186

12G-S. Kumikislap-kislap na ang liwanag sa labas nang magmulat ang mga mata mula sa pagiging Sleeping Beauty. Masyado pang maaga kaya kahit mulat na ang mga mata, hindi muna ako bumangon. Pagpatak ng Alas-siete nang biglang dumating si Ate Wenang galing Cagayan. Mga bitbit nitong iba't ibang pasalubong ang naging agahan ko't sa sarap at linamnam, parang di na mapigilan ang sariling lumantak. Magsisimula na dapat ako sa pag-aaral subalit naudlot dahil makwento ang Ate Wenang. Saka lamang ako nakapagsimulang magrepaso nang maglaba ito. Habang kasagsagan ng aking pagrerepaso, bigla na lamang sumanib ang antok sa mga mata. Nagtataka ako pagkat hindi naman nagpuyat at nakatulog pa kagabi subalit bakit inaantok ng lagay. Nalibanan ko ang antok para makapagpatuloy sa pag-aaral, kaso nahihirapan naman ikintal sa isipan ang inaaral gawa na inaantok nga.

12G-T. Habang lumilipas ang sandali, paigting nang paigting ang nadaramang antok hanggang sa di ko na kaya't umidlip muna. Isa talaga sa matinding kalaban kapag may gawain ang antok. Inaantok nga ko na tipong ibig ng isipang matulog, di naman makatulog. Saktong tanghali nang mapagpasyahan kong bumangon at nananghalian na rin. Nakaidlip na ko subalit patuloy pa ring namamayani ang antok sa mata. Di ko mawari kung bakit antukin ngayong araw, di naman nagdadalang tao na siyang pinapangarap kahit imposible. Dala na tila hindi na tinatantanan ng antok at hindi na makapag-aral, nagkape ako. Nawala naman ang antok nang makapagkape subalit tinatamad naman magrepaso, tamang libang lang ako sa panunuod ng drama sa telebisyon.

12G-U. Bandang gabi nang mapagpasyahan kong mag-aral. Hindi naman makapagrepaso ng maigi pagkat kinakausap ni Ate Wenang. Ayaw ko munang makipag-entertain sa kanya, kaso sa sarap nitong kakwentuhan at nakakatuwa, di na napigilan. Saka lamang talaga ako nakapag-aral ng maayos at tuloy-tuloy nang umalis ito. Sa dami ng impormasyong kailangang aralin, mukhang magdamagan ito. Determinado akong makapasa o di kaya maging Topnotcher kaya balak sanang magsunog-kilay hanggang madaling araw, ni nagkape na nga para hindi dapuan ng antok, kaso hindi kinaya ng powers at Alas-onse pa lamang, inihimlay ko na ang sarili sa higaan. Anong purol ng utak na tila kinakalawang pa't kailan kaya tatalas gaya ng mga henyo.      


July 06, 2018
Friday
Year VI-187

12G-V. Inumaga na ko sa paggising na may sigla sa katauhan kaya ganadong-ganadong gawin ang ibig sa buhay at nakakapanabik ang bawat sandaling darating. Pagkaalmusal at gaya ng mga nakalipas na araw, pagsusunog-kilay ang pinagkaabalahan at masusulyapan nanaman ng mga mata ang sangkatutak na salitang nagbibigay pahirap sa isip para unawain. Halos mag-iisang linggo na ring nirerepaso ang subject Industrial Psychology at nakakatuwa dahil marami-rami na ring naaaral subalit karamihan, di tuluyang maikintal sa isipan at nakakaligtaan, paano hindi ko type ang asignaturang iyon, lalo na't never pa kong pumasok sa larangan ng trabaho't hindi pamilyar ang nilalaman ng bawat topic. Nahihirapan man maka-cope up sa inaaral, tuloy pa rin ako hanggang sa magtanghali. Sa kakarepaso ng walang puknat pagkat sinaniban ng pagkamasipag, tinamaan na ko ng gutom sa katawan.

12G-W. Bandang hapon nang ipagpatuloy ko ang pagrerepaso't pagtitinda na rin. Halos sumakit na nga ang ulo sa dami ng impormasyong iniimbak sa isipan, idagdag pa ang tugtog ng aming kapit-bahay na bukod sa nakakarindi, nakakarimarim ang musika't para bang nagyayabang sila. Lalo pa tuloy ako nai-stress, ang resulta'y nahihirapan na sa pagrerepaso. Nang hindi ko na talaga kaya, itinigil muna't nilibang ang sarili sa panunuod ng telebisyon. Kinagabihan nang ipagpatuloy ko ang pagsusunog-kilay. Tumigil nga sa pagpapatugtog ang aming kapit-bahay, hirap pa rin makapag-concentrate sa pag-aaral gawa na maingay naman ang mga tambay at buti pa sila, walang ginawa sa maghapon kundi magpalaki ng biyas at magpakasasa sa sarap. Hindi na nga nakakatulong sa pamilya pagkat walang trabaho, perwisyo pa sa lansangan at anong klaseng nilalang sila't kailangan nang turuan ng leksyon upang sa ganon ay magtanda. Gawa na hindi pumapasok sa utak ang inaaral, nawalan na ng gana't napagpasyahang bukas na lamang. 


July 07, 2018
Saturday
Year VI-188

12G-Y. Yung tipong walang balak si akong bumangon pagkat tinatamad ng lagay, lalo na't Sabado at ang dapat sana ang araw na ito'y gugulin sa pagpapahinga o gawin ang ibig naisin ng sariling siyang magbibigay aliw subalit kailangan nang pumasok pagkat may review session ngayon. Marahil ay nasanay ako na tuwing dumarating lamang ang Weekend nasa bahay at nakakapaghinga, sa totoo lamang hanggang sa panahong ito'y naninibago pa rin ako. Pinili ko ang ganito, kaya nararapat lamang na panindigan kung ibig ang pumasa. Dahil medyo natagalan bago sipagin ang lola niyo sa pagbangon, bandang Alas-sais na nakapag-almusal. Mahuhuli na sa pagpasok dulot na kukupad-kupad sa pagkilos kaya nagmadali na ko. Ganap nang rumesbak ang Alas-otso nang umaga nakatungtong ang makinis kong yapak sa Diliman College at pagkadako ng Auditorium, marami nang estudyante't halos wala na ngang maupuan subalit saktong wala pang Instructor.

12G-Z. Ilang sandali pa ang hinintay nang magkaroon kami ng Instructor at siya si Ma'am Culhi. Kung ikukumpara kay Ma'am Hazel, bata-bata pa ito't tila wala pang asawa kung pagmamasdan sa hitsura at di makabasag pinggan na tila dinaig pa si Maria Makiling pero nang magsalita ito bilang pambungad, hagalpakan ang halos lahat sa amin pagkat may pagkamalibog din ito, yung ilan marahil na aandap-andap pa ang mata dulot ng pagkapungas, tila daig pa ang binuhay na ilaw nang may mabanggit si Ma'am na maselang salita. Saka lamang nakapagturo si Ma'am Culhi matapos ang ilang katuwaan at tungkol sa Research ang kanyang topic. Dahil dumaan kami sa paggawa ng Thesis para maka-graduate, sa unang bahagi'y naging pamilyar sa akin ang itinituro't di mapigilang sumagi sa isipan ang panahong ngarag na ngarap kami nina Myrrh at Kim, sa paggawa ng Thesis at nakaka-overwhelm dahil nalampasan namin ang ganong kaseryosong bagay na walang ibang idinulot kundi sakit ng ulo.

12H-A. Nang umasad na si Ma'am sa ilang bahagi ng lesson, napanganga na pagkat karamihan ay baguhan lamang sa paningin at pandinig. Kahit halos lumukot na ang mukha dulot na inaalala ang posibleng maging coverage ng Board Exam at napapausok na nga ang ilong gawa ng stress, mabuti na lamang ay may pagka-kengkay si Ma'am kahit sa First impression mo'y di ito makabasag pinggan at grabe, mapapautot ka sa kakatawa pagkat kakabagan. Mas nakakatawa't makwela siyang magturo kumpara sa dalawang nauna naming Instructor. Bukod sa tuwang-tuwa sa galak ay lalo pang nabuhayan ang buong review class nang mapadako muli ang usapin hinggil sa Abstinence at grabe, di ko kinaya ang slide picture na prinesenta sa amin ni Ma'am Culhi at pang-Rated SPG talaga.

12H-B. Sa ilang oras namin itong nakakasama, napansin kong may kakaiba sa professor na iyon na Lawyer na pagkat kahit di related sa lesson, gagawa ng paraan si Ma'am, maisingit lang ang usaping pakikipagtalik. Sumasakit na nga ang ulo sa dami ng itinuturo ng lokaret at malibog na instructor tungkol sa komposisyon ng Research o Thesis, may itinindi pa nang mapatungo na sa Statistics at bukod sa sasakit ang iyong bungo, maliliyo pa sa sangkatutak na formula at Statistical tool na kailangang kabisaduhin at ayaw ko na, suko na ko! Kahit halos sumuko na ang brain cells sa dami ng iniimbak at namumugto na rin ang mata dulot ng antok, sige pa rin ako sa pakikinig dahil determinadong makakuha ng license for Registered Psychometrician.

12H-C. Bukod sa nato-toxic na sa review session, nakakainis pagkat karamihan sa itinuturo, limot na ng isipan ang mga lesson sa Statistics pero yung professor, hindi pa't kailan ko siya makakalimutan. Alas-singko pa ang dismissal time subalit Alas-kwatro pa lamang nang matapos si Ma'am Culhi sa pagtuturo't namamayani ang tuwa pagkat nairaos din ang isang araw. Habang lulan ng Tricycle, nayamot ako sa manong tsuper pagkat ilang ulit na ngang sinabing "Bababa ako", mistulan itong teyngang kawali, tila ba nanadya. Iyon pala't napagtanto ko na siya ang nakasagutang Tricycle Driver, apat na taon na ang nakakaraan sa aking pagkakatanda dahil lamang sa kinulang ako sa bayad. Nag-flashback bigla sa utak ko nung panahong winawalang-hiya niya ko kahit may katagalan na kaya nang pagkababa, buong tapang akong nagparinig sa kanya at letse siya!

12H-D. Sa banas ko, namura ko na ito subalit hindi naman humantong sa bangayan pagkat may pasahero pa siyang kailangang ihatid. Sa halip na umuwi na, nagkumpyuter pa ko. Pagkauwi'y sumanib ang tuwa sa dibdib pagkat sa wakas, nakauwi na rin si Mama galing ospital. Kakamustahin ko sana ito, kaso tila wala ito sa mood at di na siya tulad ng dati na makwento na tila di mauubusan ng sasabihin pagkat tahimik ito. Gayunpaman ay nagpapasalamat pa rin pagkat makakasama na namin si Mama matapos ang dalawang linggo't nawa'y gumaling na nga ito ng tuluyan. Kinagabihan at kahit pakiwaring sasabog na ang mga neurons at brain cells, halabira pa rin ako sa pagrerepaso't goodluck na lamang sa kakahantungan ng aking pagiging pangahas. May pasok pa bukas kaya di na nagpakapuyat pa sa pagsusunog-kilay at baka wala nang maipakitang kilay pagkatapos ng Board Exam.               


July 08, 2018
Sunday

Year VI-189

12H-E. Saktong bumubuhos ang malakas na ulan pagkagising ko kinaumagahan at sinabayan pa ng pagkulog at kidlat kaya ang takot, muling yumayanig sa katauhan. Nakakatamad tuloy pumasok pagkat maulan at sa dilim ng papawirin, mukhang magtatagal pa. Napapaisip na tuloy kung itutuloy pa ba ang pagpasok, lalo na't may kasungitan ang panahon at sinisipon pa. Humina naman ang ulan kinalaunan at parang umiigi na rin ang panahon kaya wala nang dahilan pa para lumiban sa Review class. Habang nag-aabang ng masasakyan, sa bilis at tikas ng takbo ng Dyip, minamalas ng lagay pagkat natalsikan ng tubig mula sa Swamp. Nabusa tuloy ako ng bonggang-bongga subalit maigi na lamang, nakasibilyan at di nakasuot ng White Uniform, kung hindi'y yari na't mistulang taong grasa na lagay. Saktong puro tubig naman ang dumampi sa akin at walang putik kaya tuloy pa rin ang pagpasok at saktong wala pa si Ma'am Culhi.

12H-F. Habang wala pa ang presensiya ng aming professor, naghanap ng maupupuan na malapit sa pisara't saktong namataan ang dating kasamahan sa OJT na si Kate. Saktong may bakante pa sa table na sakop nila kaya nakianib na ko't lahat sila'y galing sa UCC at naging kaklase nina Jackie, Ate Jen at Emilyn. Makikipagkwentuhan sana ako kanila, kaso di magawa pagkat pinangunahan ng hiya, lalo na't abala sila sa pagrerepaso't di ibig makaisturbo. Kahit nandoon si Kate kung di naman hinuhunta, out of place pa rin ako sa samahan nila. Kung kailan lumalakas na ang loob kong makipag-usap sa kanila, saka pa dumating si Ma'am Culhi na may nakakatawa muling pambungad sa amin at yung ilan, tila tinakasan na ng bait kung makalakhak. Masigla nanaman ang review class dahil kay Ma'am.

12H-G. Medyo interesting ang naging lesson pagkat tungkol sa Psychology law ang itinuro sa amin ni Ma'am Culhi. Hindi mapigilan maglahad ng kanya-kanyang reaksyon nang ipabatid sa amin na balak ng mga Board of Psychology na gawing lima sa halip na apat lang ang subject na ite-take namin sa Board Exam, maaring ngayong taon daw o sa susunod pa. Pasalamat na lamang kami, hindi ina-approve ng CHED ang panukala ng mga BOP kaya nanatiling apat pa rin ang subject namin at kahit ipinu-push pa rin nilang gawing limang subject, panalanging huwag pumayag ang CHED. Apat na subject pa lamang, hirap na hirap na't halos lumuwa na nga ang mata sa dami ng dapat aralin, what more pa kaya kung gawing limang subject.

12H-H. Yung tipong ibig mong isumpa lahat ng Board of Member ng Psychology pagkat masyado silang pahirap sa mga test-taker. Bukod sa batas at dahil Attorney ang kaharap naming instructor, isinama na rin niya ang usaping krimen. Buhay na buhay nanaman ang diwa ng bawat isa sa amin nang mapadako na sa Rape at Act of Lasciviousness ang topic, di na mapigilang magtawanan at yung ilan, kunwa-kunwari pang Virgin pero ang totoo, mga Immature pa. Matapos kaming tadtarin ni Ma'am Culhi ng sangkatutak na batas, Code of Ethics naman ang sunod nitong itinuro't pagpapaguran namin sa pakikinig. Maganda nga't nakakatuwa ang batas naming mga Psychology kumpara sa ibang kurso gaya ng Nursing subalit mukhang binawi naman pagdating sa Code of Ethics pagkat napakahaba, aabutin ng halos 50 pahina samantala sa other courses, dalawang pahina lamang at wala pa silang Preamble.

 12H-I. Sa dami't haba ng Code of Ethics, mukhang aabutin ng buwan bago mo ito makabisado lahat. Ilang minuto bago sumapit ang tanghaling tapat nang matapos ni Ma'am lahat ng lecture at dahil puro Quiz bee at Post test na lamang ang magaganap mamaya, tinamaan na rin ng katamaran sa katawan kaya napagpasyahang umuwi na. Pagkauwi't gawa ng pagod dulot ng kakapakinig sa sermon ni Ma'am Culhi, daglian akong nagpahinga. Bandang Alas-tres nang magising at dahil wala naman gagawin, nagrepaso ako. Hindi naman makapagrepaso ng maigi gawa na maingay ang pag-uusap nina Ate Wenang.

12H-J. Medyo tinatamad-tamad na ko't hindi na ibig pang sumakit ang ulo kaya itinigil muna ang pagrerepaso't nagtinda na lamang. Habang abala sa pagtitinda ang pagbisita muli ni Ate Bulehn kaya ang buong balay, lalong sinakop ng kaingayan dulot ng mga hatid nitong samu't saring kwentong nasagap lang naman sa mga kapit-bahay. Kinagabihan, biglang sumama ang pakiramdam ko pagkat panay ang pag-ubo. Mukhang sasamain nanaman marahil na huwag naman sanang maganap, lalo na't nahaharap ako sa paghahanda para sa darating na Board Exam. Patuloy akong inuubo't dumadalas pa nga sa paglalim ng gabi. Sa kabila na halos mapunit na ang lalamunan sa kakaubo, hindi naman ito naging hadlang para mag-aral ako. Nakakatuwa lamang pagkat bukod sa madaling pumasok sa utak ang inaaral, nakakapag-isip din ng maayos at malalim. Sa sobrang tutok sa pagsusunog-kilay, bandang hating-gabi na napagpasyahang matulog.          


July 09, 2018
Monday

Year VI-190

12H-K. Halos hindi na makatulog gawa na magdamag na hindi tinantanan ng pag-ubo na ilang araw na ring nararanasan. Nagniningning na ang liwanag sa labas nang ako'y magising at sa takot na lumala ang ubo't iyon pa ang maging mitsa para mapurnada ang planong kumuha ng Board Exam, napagpasyahan nang magpatingin ulit, sa kabila na kagagaling lamang sa gastos bunsod ng maospital si Mama. Sa sobrang trapik sa lansangan na tila dinaig pa ang pagong sa pag-usad, bandang Alas-dyis nang makaapak sa UST. Saktong naroroon na si Doctor Dacayan at ang inakalang maghihintay pa ng matagal ay nagkakamali pagkat ilang sandali pa, tinawag na ko. Sa puntong iyon habang kaharap ang Doktora at nireresetahan, sangkatutak na gamot nanaman ang kailangan bilhin at lulunin, nakaka-stress! Gayunpaman ang mangyari'y kailangang tanggapin pagkat kasalanan ko rin naman ito't hindi inigtingan sa pag-iingat.

12H-L. Matapos ang Check up, nagtungo muna ako sa isang kapilya sa UST at taimtim na nagdasal. Dahil suspendido ang klase para paghandaan ang napipintong masungit na panahon, mistulang Ghost town ang buong Campus pagkat walang mga estudyante't tahimik, tila magagawa mo ang ibig kahit ano pa yan kung di na talaga makapagpigil ang katawang lupa. Sa halip na diretso ako sa pag-uwi, tumungo pa sa dating school na pinapasukan para magbayad at kumuha ng Good Moral. Habang nasa pila, nadiskubre kong nakaligtaan palang dalhin ang ID o di kaya Registration Card, di na tuloy mapigilan ang kabahan at lalo pang umigting nang papalapit na sa Cashier at para nang maiihi. Habang sinisilaban ng kaba, walang ginawa kundi lakasan ang loob at huminga ng malalim.

12H-M. Parang natanggalan ng tinik sa lalamunan nang pumayag ang Cashier na magbayad ng Good Moral kahit walang dalang ID at pagkabayad, daglian nang ipinihit ang yapak sa Guidance Office. Pinayagan ngang makapagbayad ng Good Moral, ang problema, di nila ako magagawan pagkat hindi ko rin pala dala ang TOR o di kaya Certificate of Graduation, nauwi lamang sa wala ang aking pagkukumahog at pambihira. Kapag na nga naman hindi masinop, may kalakip na aberya't kailangan maging handa't masinop sa lahat ng panahon. Umuwi akong mababanaag sa mukha ang pagkadismaya't kailangan pang bumalik sa susunod na araw. Kinagabihan, heto muli ako't papagurin ang Mata at Utak sa pag-aaral. Dahil medyo inuubo't di pa rin maayos ang pakiramdam, di na nagawa pang magpuyat sa pagsusunog-kilay.     


July 10, 2018
Tuesday
Year VI-191

12H-N. Muling pumapatak ang malakas na ulan kaya sarap pang matulog kahit umaga na. Sa kabila na bumuhos ang malakas na ulan, sumilip pa rin ang haring araw. Kainis at hindi pa nagtuloy-tuloy ang pag-ulan at ang ayaw ko sa lahat ng panahon ay pabago-bago, gaya rin sa tao sa pabago-bago ng desisyon at pag-uugali, kay hirap nga naman ispelingan kapag ganong tao ang nakakaharap at di mo matantsya kung saan ba sila papatungo. Pagkalantak ng agahan, daglian na akong nagrepaso. Sa una, medyo sinisipag-sipag at ginaganahan pa sa pag-aaral subalit nang kalaunan na, doon na dumating sa puntong tinatamad na't ibig na lang humilata. Sinubukan kong labanan ang katamaran at inisip ang mga adhikain sa buhay gaya ng makapasa sa board exam, kaso di tumatalab at lalo lamang hindi pumapasok sa isipan ang binabasa kapag pinilipilit mag-aral.

12H-O. Nang tuluyan na kong mawalan ng gana sa pag-aaral, saka napagpasyahang tumigil at ang hirap nga naman abutin kung ano ang minimithi kung maraming humahadlang gaya ng mapasayo ang taong minamahal o makasama siya habang buhay. Sa kabila na may mga tao o bagay na pilit na hinahadlangan ang mga pangarap sa buhay, isipin na lang na mga pagsubok sila na kailangan kaharapin at lampasan sa halip na talikuran. Masarap at matamis ang mamuhay sa bagay na iyong tinamatamasa na matagal nang minimithi kapag ito'y pinaghihirapan kaysa idadaan sa santong paspasan.

12H-P. Kinahapunan nang magsidatingan ang aming mga bisitang kamag-anak at sa dami nila, mistulang may nagaganap na okasyon sa bahay at ang kaninang walang kabuhay-buhay ng lagay sa loob ng balay, balot na sa kaingayan. Lalo tuloy hindi makapagrepaso sa ingay nila't inisip na mamayang gabi na lamang mag-aral. Kinagabihan naman, sisimulan ko na dapat ang pag-aaral, kaso tinamaan na ng katamaran at ang gusto ng sarili'y magbuhay alaman. Tinatamad man ako'y hindi naman papayagan na magpatuloy ang ganoong pag-uugali't magsusumikap ako, mahirap man at hindi biro. 


July 11, 2018
Wednesday

Year VI-192

12H-Q. Sa sarap muli ng aking tulog gawa ng magandang napaginipan, maliwa-liwanag na sa labas nang magsimulat ang mga mata. Sarap pang humilata ng lagay sa kama at katamad bumangon subalit kailangan nang awatin ang sarili. Pagkaalmusal at gaya ng mga nagdaang umaga, tutok muli ako sa pagsusunog-kilay kahit nahihirapang ipasok sa utak ang inaaral. Batid kong may karupukan ang utak kaya hirap na hirap ikintal ng matagal ang inaaral subalit di maglalaon ay tatalas rin naman basta hinahasa palagi. Sumasakit man ang bungo sa pagkakabisado’t unawa ng inaaral, tuloy pa rin ako’t ganito talaga kapag may bagay na ibig makamit, kailangang pinaghihirapan.

12H-R. Pinagsabay ko ang pag-aaral at pagtitinda, maging gawaing bahay na rin pagkat may pinuntahan sina Mama at Papa at abala naman ang ate sa pag-aalaga ng kanyang anak. Habang aligaga si ako sa pagrerepaso, muling sumanib ang antok sa mga mata, lalo tuloy nahirapan sa pagko-concentrate. Sinamahan pa ng pagkalam ng Sikmura kaya tigil muna sa pagrerepaso para mananghalian na. Bandang tanghali nang makauwi sina Mama at kinahapunan naman, may dalang Cake ang ate para ipagdiwang ang ikatlong buwan ni Baby Anya sa Mundo. Sa sarap ng Cake na tila pangmayaman ang Flavor na gawang Red Ribbon, halos di ko na maisip ang magpakahinay basta makalantak lang at bawat nguya’y nilalasap na parang nasa alapaap ang pakiramdam.

12H-S. Matapos ang meryenda, balik ako sa pagtitinda. Balak sanang ipagpatuloy ang pagrerepaso subalit di mawari sa sarili kung tinatamad at parang ibig ng isip na mag-relax muna’t saka na lang siya gamitin ulit kapag handa na. Dahil tinatamad-tamad ako, nilibang na lamang ang sarili sa panunuod ng Telebisyon. Saka ko lamang naipagpatuloy ang pagrerepaso pagpatak ng gabi. Namumugto na ang mga mata’t medyo hihikab-hikab na rin ako kaya hindi na nagawa pang magpuyat sa pagsusunog-kilay. Ang hirap nga naman mag-aral na bukod sa hirap itanim sa isipan ang binabasa kahit inuunawa na ang bawat detalye, inaantok at sumasakit ang ulo. May mga bagay man na pilit humahadlang, hindi iyon ang dahilan para sumuko’t laban lang.    


July 12, 2018
Thursday

Year VI-193

12H-T. Sa muling pagkakataon, tinanghali nanaman ako sa paggising at dahil tirik na ang haring araw sa labas, hindi na nagawa pang magpatumpik-tumpik sa pagbangon. Pagkaagahan, pagrerepaso agad ang aking inatupag. Buong umaga at dahil walang maisip na mapagkakaabalahan, pagtitinda’t repaso lamang ang iginugol. Nagkaroon lamang ng aberya nang biglang magloko ang Laptop, hindi na tuloy ako makapagrepaso ng maayos at mukhang mauuwi sa mano-manonng pag-aaral. Kasabay ng pagsanib ng gutom sa Sikmura ang pamamayagpaag muli ng katamaran sa pagkatao kaya ang resulta, nawalan na ng gana sa pag-aaral at ibig ay humilata na lamang sa maghapon. Tinatamad man, nagpatuloy pa rin ako. Nang hindi ko na talaga kaya, saka napagpasyahang itigil ang pagrerepaso’t magpahinga muna. Dakong hapon at nang maibalik sa dati ang Laptop, saka napagpasyahang mag-aral.

12H-U. Hindi naman ako makalayas at ganito talaga kapag may pinagkakabalahan, nawawalan ng oras para maglibang-libang kasama ang mga kaibigan subalit tiis-tiis lamang at magkakabunga rin lahat ng pinaghirapan nang may tamis, basta’t magtiyaga lamang. Ilang sandali pa’t bago pa man gumabi, tuwang-tuwa nanaman ako lalong-lalo na ang sinapupunang malaki pagkat maghahapunan na. Sa sabik at takam, mabilis pa sa guhit ng kidlat ang pagtungo sa kusina nang maluto ang ulam at dahil sa kasibaan ko, kapansin-pansing tila nagkakalaman na ang katawan. Ayos lang sa akin kung tumaba, basta huwag hitsurang baboy na sa katabaan at pwede nang gawing Sofa. Nang makapaghapunan, balik ako sa pagrerepaso’t tinda. Maaga pa magigising bukas kaya hindi na nagpuyat pa. 



July 13, 2018
Friday
Year VI-194

12H-V. Ganap nang sumapit ang Alas-siete ng maaga nagmulat ang magagandang mata ng Prinsesa muli sa mahimbing na pagtulog kasama ang taong pinipintig ng puso sa panaginip. Kung anuman ang aking napaginipan na magaganda, nawa’y maganap sa totoong buhay. Kailangan ko pang tumungo sa School ngayon upang kuhain ang Good Moral at marami pang dapat asikasuhin kaya pagkaalmusal ay dagliang handa’t transformation na ko. Parang bumulwak na tubig at halos hindi na mahulugang karayom sa dami ng estudyanteng nagsisilabasan at sumasalubong sa aking pagdating at pagbabalik sa Our Lady of Fatima University. Kaagad na kong tumungo sa Guidance Office at ipinasa ang lahat ng dapat ipasa para makakuha ng Good Moral subalit sinabi ng Counsellor na mamayang Alas-dos pa ng hapon ko pa maaaring makuha ang Good Moral. Sa puntong iyon ay kailangan ng mahaba-mahabang pasensiya pagkat matagal-tagal akong maghihintay.

12H-W. Tumungo muna ako sa Library at sinamantala ang oras sa pagrerepaso. Nang makaramdam ng gutom at napansing Alas-onse na pala, nagtungo ako sa SM Fairview at doon na nananghalian. Pagkapananghalian, nanatili muna roon ako’t tamang connect lang sa kanilang Wi-fi at basa-basa na rin subalit masuya ako sa ingay ng mga estudyanteng katabi ko pa man din, napagpasyahang lumipat na lang ng puwesto. Dahil weekdays ay malapit lamang ang dati kong school sa mall, kapansin-pansing mga estudyante na galing sa OLFU ang laman ng SM at di mapigilang isiping may makakitang nakakakilala sa akin. Dahil wala nang mapuwestuhan, naisipan ko nang magtungo sa Fairview Terraces at doon na tumambay.

12H-X.  Pagpatak ng Alas-dos, daglian nang bumalik sa paaralan. Pagkatungtong ng Guidance Office, kaagad rin naman ako nakakuha ng Good Moral. Nakakalungkot isipin na iyon na marahil ang huling pagkakataong makaapak ako sa paaralang iyon pagkat wala nang kukuhain pa at wala na rin dahilan para bumalik pa ko roon. Sa halip na umuwi, tumungo pa ko sa aming barangay hall para kumuha rin ng Good Moral. Walang kahirap-hirap at pagkabayad at rehistro, kaagad nilang ibinigay sa akin ang Good Moral. Maigi na lamang, wala akong record sa barangay, sa bait kong ito kahit hindi halata, kung magkataong man ay Goodbye Board Exam at Registered Psychometrician na ang kahahantungan.

12H-Y. Kaya pasalamat sa Diyos at hindi niya ko hinayaang malagay sa Trouble at reklamo, kahit minsan ay may mga kapit-bahay na buwisit na buwisit ka na’t ibig mo silang umbagin ng kaliwa’t kanan. Maging sa School na kahit nagkaroon ng kagalit o kaaway, di naman humantong sa Guidance Office kaya marami akong dapat ipagpasalamat. Sa halip na umuwi’y tumungo pa ng Computer Shop. Kung kailan papawi na ko, saktong bumubuhos ang ulan kaya ang resulta, basaang nakarating ng bahay kahit may baong payong. Medyo pagod-pagod na ko gawa ng maghapong pakikibaka at naging maulan pa ang gabi kaya tinatamad nang mag-aaral at mas piniling matulog na.   


July 14, 2018
Saturday

Year VI-195

12H-Z. Tumatama na ang sinag ng araw sa mga mata nang ako’y magising. Katamad pang bumangon kaya kahit sumikat na ang araw at bumangon na lahat ng aking mga kasamahan ay nagpatuloy pa rin sa pagtulog at sinulit-sulit ang bawat sandali habang di pa pinagsasabihang bumangon na. Mga dakong Alas-otso nang mapagpasyahan kong bumangon at dahil may Follow up Check up ngayong araw sa UST, naghanda-handa’t bihis na ko. Malapit nang pumatak ang Alas-dyis ng umaga ako nakarating sa UST Hospital at saktong naroroon na ang Doctora Dacayan subalit sinabi ng Secretary na hindi pa nagbubukas ang Clinic nito gawa na nasa Conference ito. Mukhang matagal-tagal na paghihintay ito’t para hindi mabagot, naisipan kong libangin ang sarili sa paglalaro. Nagdaan na ang halos tatlong oras, hindi pa ko natatawag.

12I-A. Tanghaling tapat na’t gawa na nagugutom at naiinip na rin, napagpasyahan kong huwag nang magpa-check up at tahasang umalis. Bago umuwi at dahil maraming dalang pera, nananghalian muna ako at sa McDonalds na napiling kumain. Balak ko pa sanang mamasyal-masyal subalit kailangan nang umuwi pagkat kailangan ako nina Mama sa pag-aalaga kay Anya, lalo na’t may pinuntahan ang ina nito. Pagkauwi, nagpahinga muna ako’t mga dakong Alas-tres na nagising. Kinagabihan, magrerepaso na sana ako subalit hindi magawa pagkat panay ang pag-iyak ng aking pamangkin. Sadyang napakaligalig ng bata’t panay pa rin ang hagulhol kahit karga-karga na, sina Mama at Papa, kita na sa mukha ang pagka-stress.

12I-B. Naiinis lamang ako kay Ate pagkat aalis-alis siya, may anak itong kailangang alagaan at bantayan, ang ikinayayamot pa namin, dis-oras na ng gabi subalit hindi pa ito dumarating, ni hindi nga nagre-reply kung nasaan na ito kaya bukod sa hirap na hirap nang alagaan ang bata gawa na kakaiyak nito, hirap na hirap na ring unawain siya. Hindi na maiwasang mamayani ang pagkahabag habang pinagmamasdan sina Mama at Papa na akay-akay ang batang hirap patahanin, kahit ano pa ang gawin nila at sa totoo lamang, kita at ramdam ko kung gaano na sila nahihirapan.

12I-C. Hindi naman masama ang mag-anak subalit dapat mag-asawa ito nang sa ganon ay magkaroon siya ng katuwang sa pag-aalaga ng anak oras na aalis ito, hindi yung idadamay niya kami sa responsibilidad na dapat ay siya ang umaako. Handa naman kaming tulungan siya sa pag-aalaga subalit dapat ay ayus-ayusin niya ang pakikitungo pagkat hindi na tama. Bandang Alas-dyis nang makauwi ang ate’t labis kong hindi naibigan ang mga sinambit nito, kung pakikinggan ay napakawalang modo’t siya pa may ganang magmataray samantalang konsumisyon na siya kina Mama. Sa halip na makipagsagutan sa kanya ay itinikom na lamang ang bibig dahil ayaw ko nang magsilang muli ng away. Mag-aanak-anak siya, iresponsable namang magulang! Wala pang balak matulog kaya nagrepaso muna ako. May kalaliman na rin ang gabi nang maisipang matulog.  



July 15, 2018
Sunday
Year VI-196


12I-D. Sa ganda at napakakulay pa ng aking napaginipan, napasarap muli ang tulog kaya ang resulta, tinanghali na ng gising subalit masigla naman at tila kay dalisay ng bungad ng umaga sa akin, kahit hindi kagandahan ang panahon. Pagkaagahan, pagbabantay sa tindahan ang inatupag ko. Kay ganda na sana ng umaga ko, nasira lamang dahil biglang pinagsalitaan ni ate ng hindi magaganda. Hindi ko talaga naibigan ang turan nito at gawa na kagabi pa nayayamot sa kanya dahil sa kagaspangan ng pag-uugali nito, hindi na napigilan ang sariling magbulalas ng hinanakit sa kanya. Wala na sa akin kung mag-away kami pagkat nakakainit siya ng ulo’t anong klase itong kapatid pagkat astang walang modo. Nangyari nga ang aking inaasahan at nauwi sa mainit na sagutan at sigawan pa.

12I-E. Nag-uumapaw ang pagkabanas ko sa kanya kaya hindi na mapigilang magbitaw ng nagbabagang salita, sa kabila na may inaalagaan itong bata’t kung makapagsalita kasi, akala’y naging mabuting nilalang at wala akong naitutulong samantalang kagabi nga, kunsomisyon ito kina Mama pagkat gabing-gabi na ito umuwi, samantalang may batang kailangan niyang alagaan at bantayan pagkat hirap na hirap at pagod na sina Mama sa pagpapatahan nito. Umatikabo pa lalo ang aming sagutang kapatid kahit sina Mama at Papa, panay ang pagpapatigil sa amin at muntikan na nga itong maumbag dulot na ang pupusok ng kanyang sinasabi, di lamang magawa pagkat akay-akay nito si Anya at pasalamat siya dahil may natitira pang respeto sa aking katawan dahil kung magkataon, pasensiyahan na lamang kami’t patawarin nawa ng Diyos kung madadamay ang bata.

12I-F. Tumigil na ko pagkat ayaw ko nang lumaki ang aming hidwaan at maapektuhan maging sina Mama, kaso siya naman itong panay ang pagkuda’t nakuha pa kong isumpa’t paulanan ng malulutong na mura. Ako hanggang pagbibitaw lamang ng mabibigat na salita, samantalang siya’y parang di na niya ko kapatid kung murahin at akala pa kung sino. Nung panahong may sakit si Mama, nagagawa nga nitong saktan, ni sinuntok pa niya ito sa mata kaya sa aming dalawa’y mas masahol siya at huwag masabi-sabing napakasama kong nilalang! May nalalabi pang yamot sa dibdib at marami pang maaanghang na salitang ibig ibuga sa kanya, pinigilan ko lang ang bibig. Sa yamot ko, nagpresinta na kong tulungan sina Mama sa paglalaba kahit nag-uulan-ulan at maaring magkasakit kapag natuluan. Sadyang napakasungit ng panahon kaya naging sagabal sa akin sa paglalaba subalit dahil sa pagtutulungan namin ni Mama, matagumpay naman natapos. Kinahapunan, kumpulan ang mga taong nakikiusyoso na di kalayuan mula sa amin pagkat nagaganap na gulo’t ikinagimbal ng loob nang mabatid sa usapan ng mga tsismosang kapit-bahay may naganap na saksakan.

12I-G. Hindi pa natapos ang kaguluhan at kinagabihan naman habang tutok ang mata sa pagrerepaso, may naganap muling panibagong sigalot, may masahol kumpara kanina at grupo-grupo ang nag-aaway-away. Dinaig pa ang mga pinagsasabong na manok kung sila’y magpalitan ng lakas at mistulang may giyera sa lugar namin pagkat naging maingay at napakagulo. Habang nakikiusyoso’t masdan silang nagsusuntukan, kapangambang isipin na anumang sandali, may makitil muling buhay. Grabe ang mga kabataan ditto sa amin pagkat napakaagresibo’t bayolente nila, lahat ng galit, idinadaan sa marahas na paraan kaya ang buong Sitio Taniman, walang araw na niyayanig ng kaguluhan at dapat sa kanila’y pinagdadampot at ikulong sa rehab nang magtanda pagkat baka nga ang ilan sa kanila, gumagamit ng droga kaya bayolente.

12I-H. Halos mag-iisang oras na magmula nang sumiklab ang kaguluhan subalit ni isang barangay tanod o purok man lang, hindi dumarating para rumonda. Naging napakugulo ng sitwasyon kaya di na malaman kung sino-sino ang mga nag-aaway at kaliwa’t kanan pa. Sa dami ng mga taong nakikiusyo at isa na ko roon, mistulang may nagaganap na shooting. Sa totoo lamang, hindi na ligtas sa lugar namin at kung magkaroon lamang ng sariling pera, hindi na magdadalawang isip na kumbinsihin ang pamilya na lumipat na, sa lugar na bukod sa payapa’y malayo pa sa away at gulo. Dahil sa may nangyaring kaguluhan, nawalan na ng konsentrasyon sa pag-aaral. Hindi ko malilimutan ang araw na ito pagkat ang daming dumating na pangyayari, muagmula nang mag-away kami ng ate hanggang sa magkakapit-bahay na ang nag-aawa-away at may naganap pang saksakan.     



July 16, 2018
Monday

Year VI-197

12I-I. Malakas na buhos ng ulan ang gumising sa akin. Dahil may lakad ngayong araw para kumuha ng NBI Clearance, isa sa requirements na hinihingi ng Professional Regulation Commision sa pag-file ng pagkuha ng Board Exam, pagkaalmusal ay naghanda-handa’t bihis na ko. Hindi na sana ako tutungo ng NBI nang mabatid na pwede akong kumuha sa pamamagitan ng online, kaso ng buksan ang kanilang Website, hindi naman ako makapag-online dahil nagloloko ito. Saktong tutungo si Papa sa Court of Appeals at dahil malapit lamang ang NBI mula roon, sumabay na ko sa kanya. Sa sobrang trapik sa lansangan kahit hindi nag-uulan-ulan pa, bandang Alas-onse nang makatungtong kami sa Ermita, Manila. Dahil First timer, hindi ko maiwasang magtanong kung ano ang mga proseso sa pagkuha ng Clearance at pagkatungtong sa may Online registration, anong haba ng pila.

12I-J. Maigi na lamang at may upuan kaya di naman nakakapagod ang pumila’t sinamantala ang oras sa pagrerepaso. Kahit may kahabaan ang pila, mabilis naman ang usad kaya wala pang isang oras nang makarating sa Online Registration at nang makapagrehistro, kailangan pang tumungo sa Payment area, siyempre para magbayad. Manlaki ang mata nang makitang may kahabaan ang pila’t gawa na nagugutom na, napagpasyahang kumain muna. Pagkakain, daglian na kong pumila’t bukod sa mahaba, siksikan pa pagkat naghalo-halo ang mga pila para sa Payment at Releasing at mukhang nagkakagulo na rin. Wala akong ginawa kundi magtiyaga at makaraan ang isang oras nang makapagbayad ako. Nakapagbayad man, hindi ko pa nakukuha ang NBI Clearance kaya panibagong pila nanaman ang bubunuin at lubhang napakarami mo palang pagdadaanan.

12I-K. Sa pangatlong beses na pipila ako, mahaba-haba na kaya kailangan nang magbaon ng mahabang pasensiya at dahil pasikot-sikot at ikot ang pila, mistulang laro sa Zuma Blitz ang usad ng pila’t ang init-init pa kaya walang ginawa kundi mag-astang Donya Victorina na feel na feel ko naman kahit nagmamantika na ang mukha. Halos dalawang oras ang lumipas nang makapag-biometrics at i-encode ang aking receipt. Pagkatapos, parang gusto nang umuwi pagkat kailangan naman tumungo sa Releasing Area. Saktong hindi naman kahabaan ang pila roon at pagkakuha ng NBI Clearance, mapulundag sa tuwa’t mapasigaw na nga rin pagkat matapos ang halos limang oras na pagtatiyaga sa pagpila, nagkabunga rin at salamat sa maykapal dahil binigyan ng mahabang pasensiya at lakas ng loob.

12I-L. Tumungo pa ko sa Court of Appeals, nagbabakasakaling naroroon pa si Papa subalit di ko naman ito makita, marahil ay umuwi na. Papasok sana ako sa Personnel Office para makipagkamusta kina Ma’am Rowenna o Ma’am Lea, kaso pinangunahan ng hiya. Kamusta na kaya sila lalo na si Ma’am Carmen at Ma’am Belen na naging mabait sa akin, kahit saglit ko lamang sila nakasama’y nami-miss pa rin. Sa halip na umuwi’t kahit nangangarag na’y tumungo pa ng Quezon City hall para kumuha naman ng Cedula. Kaagad naman akong nakakuha ng Cedula at sumunod ay nagtungo ako sa Saint Peter Church para kumuha naman ng Good Moral. Sinabi ng mga nangangasiwa na di sa kanila kukuhain ang Good Moral pagkat di sakop ng kanilang simbahan ang lugar na aming tinitirhan, sa halip na makiusap at baka kung ano pa ang mangyari’y umalis na lamang ako. Sa maghapong pakikibaka, maasikaso lamang lahat ng natitirang requirements ay pagudan akong nakatungtong ng tahanan. Hapong-hapo man ay maginhawa naman ang pakiramdam pagkat may napala ang aking pagkukumahog at tiyaga.              



July 17, 2018
Tuesday
Year VI-198

12I-M. Ganap nang sumapit ang hating-gabi, hindi pa rin ako makatulog sa di malamang dahilan. Saka lamang nakatulog kung kailan pasipa na ang umaga’t ilan oras pa lang nakakatulog ay nagising na dahil sa lakas ng buhos ng ulan. Umaga na pala’t kahit Alas-otso na’y aakalain mong papamulat pa lamang ang liwanag sa dilim ng papawirin, tuloy-tuloy din ang malakas na buhos ng ulan dulot ng Hanging Habagat na pinaigting ng Bagyong Henry, kaya hindi malayong bumaha. Kahit masamang-masama ang panahon ay tuloy pa rin ang buhay at matapos mag-almusal, nagrepaso ako. Katamad mag-aral kapag ganitong maulang panahon subalit pinipilit dahil determinadong pumasa. Dahil maulan ang panahon, naging mahina ang padyak ng bentahan. Tanghaling tapat na’y dama pa rin ang malakas na buhos ng ulan at sinabayan pa ng hangin kaya aakalaing binabayo na ng bagyo kahit Habagat lamang ito.

12I-N. Sumanib na ang katamaran sa buo kong pagkatao gawa nang masungit na panahon at sarap pang matulog kaya itinigil ko muna ang pag-aaral at nahiga. Maghapong naging maulan ang panahon kaya ang resulta, lubog nanaman sa baha ang malaking bahagi ng Kamaynilaan at ang ilan sa lugar, lagpas tao na ang baha. Mapalad pa rin kami na kahit binabayo ng malalakas na ulan, hindi naman binabaha na siyang aking ipinagpapasalamat. Sa kabila na masama ang timpla ng panahon ang pagdating muli ng aming bisita na si Ate Wenang kaya ang buong balay na taimtim, umingay dahil sa baon nitong samu’t saring kwento’t tsika. Kinagabihan nang ipagpatuloy ko ang pagrerepaso. Nang undayan na ng katamaran sa pagkatao maging antok, saka napagpasyahang ipagpabukas na lamang at matulog.     



July 18, 2018
Wednesday

Year VI-199

12I-O. Nanatiling maulan ang umaga dulot ng Habagat at sa aking paggising ay hindi kagandahan pagkat gaya ng panahon, masungit din ang lagay ng Sikmura. Kinakabag pala ako kaya walang ibang ginawa kundi palabasin ang masamang hangin nang mabawasan kahit paano ang sakit na dinaranas. Hindi baleng Tiyan ang masaktan, huwag lang Puso dahil matatagalan bago tuluyang maibsan ang sakit na dulot ng taong kinatatangahan mo. Naparam naman parang bula ang sakit ng Tiyan kaya nagampanan pa rin ang mga dapat gawin. Walang ginawa sa buong umaga kundi magtinda at dahil kasawa nang mag-aral at magbasa ng pagkahaba-habang impormasyong di naman naikikintal ng isipan gawa na kinakalawan at kailangan pa marahil banlian ng Silver Cleaner para kumintab, pagsusulat ng kwento ang aking inatupag.

12I-P. Mga bandang tanghali nang maisipan kong magrepaso. Kung kailan aligaga ako sa pagrerepaso, nakaramdam na tila nanghihina. Marahil ay kailangan lamang itong itulog kaya natulog muna ako. Hindi naman makatulog ng maayos gawa na namamayani ang ingay sa aming kapaligiran kaya di manumbalik ang dating lakas at bukod pa sa nanghihina, muling umatake na ang pananakit ng Tiyan na tila ba’y kinakabag. Sa sakit ng Tiyan, hindi na ko nakapag-aral pa’t maghapong nakahilata pagkat di mapigilang indahin.

12I-Q. Inakala kong kabag lamang ito kaya nasakit pero ng pahupa na ang liwanag, dumumi na ko ng sunod-sunod. Tinamaan na pala ako ng Diarrhea at dahil makailang ulit nang balik-panaog sa banyo dulot na nasiraan ng Tiyan, lalo pa kong nanghina. Hindi ko mawari kung ano ang nakain at bakit nagkaganon ang aking Sikmura. Sina Mama at Papa naman na kahit kapupusok magsalita sa kakapanermon sa akin, hindi pa rin mapigilan ang mag-alala’t inabisuhan nang magtungo sa Hospital kaso mas pinili kong manatili na lamang sa bahay pagkat iniisip na madadaan lang ito sa gamot. Kasing lalim na ng balon ang gabi, wala pa ring puknat ang aking pagdumi’t nakakaranas pa ng pagsusuka.    



July 19, 2018
Thursday

Year VI-200

12I-R. Magdamag akong nakaranas ng pagdumi’t pagsusuka kaya ang resulta, para akong nilooban ng lakas sa lagay at halos di na nga makabagon dulot ng panghihina, pinilit ko lang. Para hindi tuluyang ma-dehydrate, tanging lugaw na walang lasa at tubig na may lahok na Oresol lamang ang aking agahan. Wala man ganang kumain gawa na nanghihina, pinilit ko lang alang-alang sa ikagagaling. Dulot ng pananamlay, matapos kong kumain ay daglian nang humiga. Pakiramdam ko nang panahong iyon, hinang-hina’t nahihilo pa kaya maya’t maya ring nasusuka, hindi mawari kung ano nanamang sakit ang dumapo sa akin pagkat tila ba buwan-buwan na lamang ay nagkakasakit ako, iba-iba nga lamang. Ang hirap nga naman ng kalagayan kapag sakiting nilalang ka, lahat ng plano’t pangarap sa buhay ay napupurnada. Gayunpaman ang maganap, tatanggapin ko kung anuman ang kapalaran pagkat maraming paraan para makuha ang gusto.

12I-S. Hindi hadlang ang karamdaman para makamit ang pangarap sa buhay basta huwag kaliligtaang manalig sa maykapal. Bandang tanghali nang muli akong bumangon para naman mananghalian. Kahit pakiwaring maduduwal sa bawat subo ng pagkain, sige pa rin sa kagustuhang maibalik ang taglay na lakas. Dahil nahihilo’t sumasakit pa ang ulo, maghapong nakahilata sa kama, saktong humupa na ang aking pagdumi subalit maya’t maya namang nagsusuka. Maging sa gabi, hindi pa rin tinantanan ng hilo’t pananakit ng ulo, wala na lamang ginawa kundi magtiis at idaan sa pag-inom-inom ng gamot. Sa hilo, parang umiinog ang paningin at parang tinutusok naman sa sakit ang ulo, hindi tuloy makatulog. Mabuti-buti na sana ang pakiramdam kahit papaano, kung hindi lamang nahihilo o sumasakit ang ulo pagkat hindi na nanghihina.   



July 20, 2018
Friday
Year VI-201

12I-T. Muling pumapatak ang malakas na buhos ng ulan kinamadaling-araw na siyang tumapos sa aking pagtulog. Aakalaing bumabagyo sa lakas ng ulan at kung magtuloy-tuloy, hindi malayong bumaha muli subalit humupa naman bago pumutok ang liwanag. Tumila man ang ulan, hindi pa rin mawala-wala ang sakit ng ulo’t pagkahilo kaya ang resulta, buong umaga muling hihilata sa kama’t hindi na magampanan ang mga dapat gawin, ni hindi na nga ako makapag-aral. Pambihira naman at kung kailan ito ang panahon na pinakaabala para paghandaan ang darating na seryosong bagay na siyang magiging susi para magtuloy-tuloy ang mga pangarap ko, saka pa nagkasakit. Kahit nahihilo na pakiwaring maduduwal, pinilit ko pa ring mag-almusal para magkaroon ng pagkakataong lumakas.

12I-U. Matapos mag-almusal, heto muli’t hihilata sa kama, matutulog pagkat hanggang sa mga oras na iyon, may nararamdaman pa rin na hindi dapat, halos mabaliw na nga sa sakit ng ulo. Habang ako’y balot ng karamdaman ang pagbisita naman ng Amerikanong tatay ni Anya kaya itong sina Mama na hindi siya kilala ng lubusan, masaya’t halatang nanabik. Kahit nakahiga kung naririnig naman ay batid ko ang bawat kaganapan at hindi lamang naibigan ang ginawa ng ate kay Mama pagkat habang kinakausap nito ang kano, tila ba pinahiya nito, dapat ay hinayaan na lamang niya. Habang sila’y sayang-saya sa pag-uusap kasama ang mag-ama, samantalang ako’y patuloy na iniinda ang pananakit ng ulo.

12I-V. Bahagya naman naibsan ang pananakit ng ulo pagpatak ng hapon kaya nakabili pa ng pangmeryenda pero nang gabi, bumalik sa dating tindi ang sakit kaya bukod sa halos mabaliw ay halos mapaiyak na rin ako. Si Papa naman na di maipinta ang mukha dulot ng pag-aalala, panay ang sermon at paninisi sa akin. Binalewala ko na lamang sinabi ni Papa, kaso di mapigilang ma-guilty pagkat hindi pa nga tuluyang gumagaling si Mama at kailangan pang ipagamot ang Goiter nito, panibagong gastos nanaman para sa akin, huwag na sanang lumala pa itong mga pinagdadaanan namin. Itutulog ko sana ang sakit ng ulong nararanasan kaso hindi naman makatulog. 



July 23, 2018
Monday

Year VI-204

12J-B. Ikatlong SONA ng pinakamamahal ng Pangulong Duterte na kinasusuklaman ko naman dahil sa paraan ng pamumuno nitong tila napapabayaan na ang karapatang pantao, masugpo lamang ang Dorogista na hanggang ngayon sa dalawang taon ng kanyang pag-upo’y malala pa rin. Hindi man ako interesado sa magiging takbo ng kanyang SONA, sana man lang ay mabigyang pansin lahat ng isyu sa ating bansa na nagpapahirap na sa taong bayan gaya na lamang agayan ng teritoryo sa Pilipinas at lumalaking insidente ng Extra-Judicial Killings. Sa aking pakiwari’y tila bingi-bingihan na ang Pangulo sa nangyayari sa ating bansa’t madalas pa masangkot sa mga kontrebersyal na bagay gaya ng pambabastos diumano sa ating Diyos. Sa kanyang ipinapakita’y di maganda sa imahe bilang Presidente’t dapat ay maging marahan sa mga kinikilos at asta pagkat sa mata ng taong bayan o ng kanyang nasasakupan, siya ang magiging pangunahing ihemplo, lalo na sa mga walang alam.

12J-C. Kung patuloy na magiging ganyang ang kanyang ipinapakita, di nakakapagtakang maapektuhan ang pag-uugali ng karamihan sa atin, lalo na sa mga umiidolo sa kanya. Dalawang taon na itong nakaupo pero di mawari kung bakit di magawang magtiwala ang loob sa kanyang pamamalakad at naiiba siya sa lahat ng nagdaang Pangulong kinamulatan ko. May kaliwanagan na sa labas nang magmulat ang aking mga mata. Pagkaagahan, pagsusunog-kilay at pagtitinda muli ang aking inasikaso. Nakakatuwa dahil madali naman pumasok sa isipan ang mga inaaral kaya tuloy-tuloy ako’t ganadong-ganado pa, lalo na kapag naiisip ang mga taong nagbibigay ng inspirasyon sa akin, nakaka-motivate. Nawala lamang ang pokus sa pag-aaral nang makaramdam na ng gutom.

12J-D. Pagkaluto ng lalamunin, matulin pa sa takbo ng tren ang pagtungo sa mesa’t hain ng kain sabay lantak ng pagkaing akala’y ito na ang huling araw sa Mundo. Balik ako sa pagrerepaso matapos tsumibog nang husay. Maghapon akong naging tutok sa pag-aaral kahit namumugto na ang mata sa kaantukan at pagsapit ng Alas-tres, tigil muna sa pagrerepaso para antabayanan ang napipintong SONA ng Pangulo. Kakagitla lamang ang natunghayang balita pagkat bago pa man magbukas ang Third Regular Session sa Kongreso’t magsimula ang SONA, nagkaroon na ng palitan ng liderato sa kamara at inihalal na ang bagong House Speaker na walang iba kundi ang dating Pangulo na si Gloria Macapagal Arroyo. Tila lumalakas muli ang kapangyarihan ni GMA at ang dating nakulong matapos nitong manilbihan sa bansa dahil sa napagbintangang nangamkam ng kaban ng taong bayan na siya namang tunay, ngayon at di akalaing siya pa ang pauupuin ng mga mayorya.

12J-E. Sa pangyayaring iyon, ipinapakita lamang na hindi nga pantay ang hatol sa mga mayayaman at taong may kapangyarihan sa mga mahihirap pagkat kapag mahirap ka nga naman, kahit napabintangan lang o wala namang sapat na ebidensya, ikukulong na lang ng basta-basta’t pinapatay pa, samantalang kapag nasa kapangyarihan ka o mayaman, makukulong pero agad-agad din makakalaya kahit mabibigat pa ang dala-dala nilang kasalanan, nagkaroon pa ng boses sa Gobyerno. Ano na kaya ang kahihinatnan ng bansa ngayong si GMA na ang namumuno sa kamara at dalanging kung anuman ang mga nagawa nitong ikinabuti ng ating bayan nung siya pa ang President, magawa niya ulit bilang Speaker naman. Tiwala naman ako kung si GMA ang mamumuno pagkat isa siya sa pinakamahusay at matalinong Politiko at marami na rin itong nagawa, Kurakot Queen nga lang.

12J-F. Pansin ko lang bakit kapag si GMA ang naluluklok, parating biglaan gaya na lamang nung napatalsik si Erap sa pwesto, biglaan din ang pagkakaluklok sa kanya bilang Presidente kaya di maiwasang isipin ng nakakarami na mang-aagaw siya ng kapangyarihan. Dahil nagkaroon ng kudeta sa kamara, ang resulta’y naantala ang SONA at mga dakong Alas-singko na nagsimula na dapat sana’y Alas-kwatro kaya nawalan na ko ng ganang mamunod at mas piniling maglibang na lamang. Ibang klase rin si Kurakot Queen, agaw-eksena sa talumpati ng Pangulo. Kinagabihan, heto muli ako’t patitirikin ang mata sa kakabasa’t pasasakitin ang ulo sa pagsasaulo ng dapat isaulo. Balak sanang magpuyat sa pag-aaral, kaso bagsak na ang mga mata’t di na napigilan pang matulog.           
 


July 24, 2018
Tuesday

Year VI-205

12J-G. Sa sarap ng tulog at ganda muli ng napaginipan, inabutan muli ng pagsikat ng araw sa labas nang magmulat na ang mga mata. Dahil hindi ibig na may masayang na panahon at pakawalan ang pagkakataon, pagkaalmusal ay repaso agada ko hangga’t gumagana ng maayos ang utak at masiglang-masigla ang mga Neuron Cells ko. Sa sipag kong ito, nagawa nang pagsabayin ang gawaing bahay at pag-aaral at time management lamang talaga ang katapat kung ibig mong makagawa ng marami. Sa dami ng aking ginawa, pagrerepaso, gawaing bahay at pagtitinda pa, nakaramdam na ng gutom sa Sinapupunang malaki. Hindi naman makaluto sina Mama at Papa nang pananghalian pagkat aligaga sa pag-aalaga kay Baby Anya at nasa kliyente ang Nanay nito kaya ako na mismo ang gumawa ng paraan, may malamon lamang kami ngayong tanghali. Pagkaimbak ng pagkain sa Sikmura, ipinagpatuloy ko ang pag-aaral.

12J-H. Sa maghapong kong pagsusunog-kilay at kabisado ng mga impormasyong posibleng lumabas sa Board Exam, sumasakit na ang ulo, gusto na ng isip na mag-relax na ako kaya itinigil muna ang pag-aaral. Habang may pinapanuod akong isang Dokumentaryo, doon napagpatanto na sa panahon ngayon na laganap ang insidente ng Rape, hindi lamang mga babae ang nagagahasa, kahit mga lalaki, ultimo tuwid ang kasarian ay nagagahasa na rin at patuloy pang tumataas ang ganong insidente kaya maging aware at mag-ingat. Ang nakakaawa pa, nagahasa na nga yung lalaki, nahuhusgahan at pinagtatawanan pa siya. Iyan ang hirap sa karamihan sa atin, masyadong makikitid ang pag-iisip kaya nagiging Judgmental na akala alam na ang buong pangyayari, dapat sa ganong klaseng tao’y tinuturuan ng leksyon.

12J-I. May punto rin naman ang mga nagsabing mahirap na maging maganda at gwapo o yummy dahil di ligtas sa mga maiinit ang matang naglipana kung saan-saan oras na makaramdam ng pagkatakam. Maigi na lamang ako, di ipinanganak na pinagpala ang mukha, sakto lang. Papahupa na ang liwanag subalit hindi pa nakakauwi ang ate galing sa kliyente nito kaya si Baby Anya, nagliligalig na. Sina Mama naman na maghapon nang inalagaan at tinutukan si Anya, halatang nahihirapan na, paano’y kahit anong gawin nila, di mapatahan. Sana man lang ay maisip ng ate na nahihirapan din sina Mama at Papa sa pag-aalaga ng bata sa tuwing wala ito. Handa naman kaming tumulong sa pag-aalaga ng anak niya, maging responsible at considerate din siya dahil di kami madalas mag-a-adjust. Naawa na ko kina Mama kaya nagpresinta nang ako na ang mag-alaga’t karga kay Anya, di naman pumayag si Papa’t di maitago ang kanyang reaksyon.

12J-K. Tapos may gana pang magtaray kapag nalaman nitong di mapatahan ang anak kaya nayayamot ako kay Ate, bakit ganoon ang kanyang pag-uugali. Sumiklab pa lalo ang yamot na dala-dala ng dibdib pagkat di ito sumasagot kapag kinokontak at di na namin siya maintindihan. Sana man lang ay nagsasabi ito nang maintindihan namin siya’t di mamuo pa ang pagkaimbyerna, di na siya naawa’t inisip na di pa gumagaling si Mama at kailangan nito ng pahinga. Mga dakong Alas-siete nang dumating ang ate at nang magharap kami, lakas-loob na nagtanong. Parang sinabuyan ng Gas ang dibdib ko kung magliyab pagkat lubos na hindi naibigan ang mga itinugon nitong pabalang at dahil kanina pa ko naglalangitngit sa pagiging iresponsable niya, lakas loob na itong kinompronta. Sadyang napakapusok niya magsalita, sabihin ba namang wala akong pakialam, sa kanyang sinasabi’y ibang tao ang turing nito sa akin kaya bukod sa yamot ay nasaktan ako.

12J-L. Sa tindi ng nararanasang galit sa kanya, di ko napigilan pa ang sariling magwala’t magpamalas ng bangis, kahit marami nang kapit-bahay ang nakikiusyoso, wala akong pakialam sa kanila! Maigi na lamang at kahit halos matupok na ko sa nag-aapoy nag alit, di naman inatake ng Hyperventilation at humupa naman kaagad nang pagsabihan nina Papa at panigan ako. Iyan ang hirap sa kapatid ko, masyadong mapagmataas at sa halip na humingi ng paumanhin kina Mama, sa nagawa nitong konsumisyon sa kanila, siya pa may ganang magmataray! Nagkaroon man alitan sa pagitan naming dalawa’t abot langit ang sama ng loob na tinamo sa kanya, nagawa pa ring mag-aral at mga dakong Alas-onse nang mapagpasyahang matulog.          



July 25, 2018
Wednesday
Year VI-206

12J-M. Hindi pa rin limot ng isipan ang naganap kagabi na labis na ikinasama ng loob. Kung naging marahan lamang ang ate sa pananalita’t pagpapakita nito ng ugali, dili sana aabot sa ganong punto, mag-aaway kami’t palitan ng maanghang at kasumpa-sumpang salita. Dahil may pupuntahan sina Mama at Papa, maaga akong nagising. Pagkaalmusal, gawaing bahay muna ang aking inatupag. Nang makapagwalis at punas sa sahig, saka lamang ako nagsimula sa pagrerepaso’t pagtitinda. Pagpatak ng Alas-dyis, tigil muna sa pagsusunog-kilay pagkat kailangan ko nang bumili ng lalamnin. Sa kabila na hindi pa rin limot ng isipan ang mga masasakit na salitang narinig mula kay ate at halos magpalitan na nga kami ng lakas, inalok pa rin itong mananghalian pagkat pinapatawad ko na siya.

12J-N. Ang kaninang kami na hindi nag-iimikan kahit magkasalubong na tila hindi kilala ang isa’t isa, nag-uusap na kahit paano’t natutuwa naman ako dahil hindi akalaing mauuwi sa ganong bagay, ang magkaayos kami. Ang gaan sa pakiramdam kapag nagpapatawad ka’t nagiging kaayos ang kaaway. Sana hindi na dumating pa ang pagkakataong magkakaroon muli ng hidwaan sa pagitan naming dalawa. Pagpatak ng tanghaling-tapat ay bigla na lamang may nagkakagulo sa di malamang dahilan kaya sige ako sa pakikiusyoso at magimbal nang husto ang nasa dibdib nang mabatid na may kapitbahay ang naglaslas at nagsisitangis na ang mga kaanak nito.

12J-O. Maya-maya pa, dumating na ang Ambulansya’t lalo pang niyanig sa gulat ang dibdib nang makitang duguan at wala nang malay ang nagpatiwakal na kapit-bahay habang tulong-tulong nila itong itinatakbo papasok ng Ambulance. Habang tinutunghayan ang pangyayaring nagpagimbal ng lubos sa aming magkakapit-bahay ay sumagi bigla sa isipan nung panahong nagbigti si Mama. Sa kabila na hindi na biro ang kinakaharap na problema, mapalad at pasalamat pa rin kami pagkat hindi natuluyan si Mama at kaagad na naagapan. Marahil ay labis itong na-depress dahil ilang taon na pala itong sumaisailalim sa Dialysis at iniisip na pabigat na sa kanyang pamilya kaya naisipan nang wakasan ang buhay. Tila may kakaiba sa lugar namin pagkat kamakailan lamang ay may isang kapit-bahay din ang nagbigti bago si Mama, bukod pa roon ay may nasaksak pa.

12J-P. Sunod-sunod nga naman ang nababawian ng buhay sa lugar namin at ano kayang mayroon? Saka lamang nagsipasok sa kanya-kanyang mga balay ang mga ususero kabilang ako nang umalis na ang ambulansya’t balik sa dating gawi ang buhay. Medyo mugto na ang mata sa antok kaya sa halip na magsunog-kilay, idlip muna ako. Mga bandang hapon na nagising at ipinagpatuloy ang pag-aaral. Maging sa gabi ay walang ginawa kundi magsunog kilay at kinalaunan, gawa na sumasakit na ang bungo sa kakaaral, naisipan ko naman maglibang at pasiyahin ang sarili. Kahit tuwang-tuwa sa ginagawa’y hindi pa rin naging maganda ang dating ng gabi pagkat ang sama ng ubo ko’t tila ba sasamain muli. Sa sama ng pakiramdam, hindi ko na nakuha pang magpuyat.  



July 26, 2018
Thursday

Year VI-207

12J-Q. Hindi na ko inuubo pa subalit inabisuhan naman ni Papa na magpa-check up kay Doctora Dacayan, tutol man ako pagkat hindi na ibig pang gumastos at panggastos na lamang iyon pampagamot kay Mama. Pagkalantak ng agahan, dagliang handa’t bihis na ko, siyempre paganda na rin para maging presentable sa muling paghaharap namin ng Doktora. Dahil namali ako ng sakay, nakadalawang sakay tuloy ako kaya ang resulta, Bandang Alas-nuebe nang makatungtong sa UST Hospital. Pagkapunta sa mismong Clinic nito, nakasulat na wala ito’t nasa ibang bansa pala, nasayang lamang ang pagtungo ko. Sa halip na umalis, nanatili muna ako sa harap ng Clinic at sinamantala ang oras sa pagsusulat ng kwento. Nang wala nang maisip na isusulat, saka lamang napagpasyahang gumora. Dahil may dalang limpak-limpak na salapi ang Lola niyong gastadora pero slight lang, sa Bon Chon doon sa Ever Gotesco Mall na naispang mananghalian.

12J-R. Hindi pa nakuntento’t kahit hindi panahon ng tag-init at inuubo pa ay nakuha pang lumantak ng Bingsu at sa sarap, mukhang makakadalawang order ako. Bago umuwi’y tumungo muna ako sa Saint Anthony de Padua Church para kumuha ng Good Moral kaso sarado ito’t sinabi ng Gwardiya na mamayang Alas-dos pa raw sila magbubukas, kinailangan pa tuloy bumalik. Mga bandang Alas-kwatro nang bumalik ako sa simbahang iyon at saktong bukas na. Gagawan na sana ng Good Moral, kaso hinihingan pa nila ako ng Barangay Clearance, minamalas nga lang at di ko iyon nadala. May kalayuan pa naman ang bahay namin mula sa simbahan at saktong ilang dipa lamang ang layo ng aming Barangay Hall kaya para di na ma-hassle pa, kahit nakakuha na ng Barangay Clearance ay kinailangan ko pang kumuha ulit ng panibago.

12J-S. Kaagad ko rin naman nakuha ang Barangay Clearance at pagkabigay, sinabi ng kinauukulan na bukas pa raw maaring makuha ang Good Moral, kainis at kailangan ko pang bumalik. Sa layo ng nilakad, hinapo ng husto pagkauwi. Kinagabihan, pagsusunog-kilay muli ang inatupag ko. Bukod sa sumasakit ang bungo’y magkandaloka-loka’t hilo na rin habang inaaral ang Statistics at nakakalito ang mga detalye, kailangan mong isapuso ang inaaral para maunwaan ng lubusan. Napagdaanan ko na ang ganung asignatura subalit karamihan sa itinuro’y limot na ng isipan, pero ang taong nagturo sa amin, di magawang limutin at hanggang ay naiisip pa rin siya, di mawari kung may nararamdaman pa sa kanya. Gawa na sumasakit na ang bungo’t namumugto na rin ang mata sa kakaanalisa ng Statistics para malaman paano nakuha ang bawat resulta, hindi na naipagpatuloy pa.       



July 27, 2018
Friday
Year VI-208

12J-T. Umaga pa lamang nang gisingin na nina Mama. Kailangan ko palang magtungo muli sa UST upang magpa-check-up na naudlot kahapon, kaso maghapon nang hindi inuubo maging sa dumaang magdamag at maginhawa ang aking paghinga na tila walang plemang bumabalot sa daanan ng hangin, naisip ko na kapag ipinagpatuloy pa ang pagpapa-check up, bakaw ala naman makita si Doctora Dacayan kaya napagpasyahang huwag nang ituloy. Kaso at sa hindi inaasahan, kung kailan kakabangon pa lamang ay biglang sinipon at inubo, kaya sina Mama, panay ang udyok sa akin na magpatingin na. Pambihirang sakit ito’t tila niloloko ako. Akala ko talaga, gumaling na ng lubusan subalit hindi pa pala. Dahil sa lintik na ubo’t sipon, nabago na ang aking pasyang magpa-check up. Naging maulan ang panahon kaya naging mabagal ang usad ng sinasakyan, ang resulta’y mga bandang Alas-dyis na nakatungtong sa UST at saktong naroroon na ang Doctora Dacayan at marami-marami na rin itong pasyente. Habang hinihintay matawag ng sekretarya’y sinamantala ang oras sa pagrerepaso.

12J-U. Isang oras din ang lumipas nang makapasok ako’t sa muling paghaharap namin ng Doktora’y sangkatutak muli na gamot ang nireseta’t nakakapag-alangang bilihin pagkat malaginto ang presyo, iisipin mong hirap nga naman magkasakit. Di naman nagtagal ang Check-up sa kanya pagkat di ko na pinatagal pa. Habang naglalakad palabas ng unibersidad ay iba’t ibang mga estudaynte ang nakakasalubong at kung mag-usap habang kapiling ang kanya-kanyang kabarkada, ang saya-saya nila’t tila wala nang bukas kung maghagikhikan, nakaka-miss tuloy ang maging buhay estudyante kahit puro stress ang matatamo mula sa sangkaterbang aktibidad. Ganon talaga’t hindi mo mapipigilan ang takbo ng panahon, baka nga hindi ko namamalayan, matanda na pala ako’t kailangan maging handa. Wala pang balak ang isipang umuwi kaya lumamyerda pa ang Lola niyo sa SM Fairview at doon ipinagpatuloy ang pagrerepaso.

12J-V. Bandang Alas-tres nang mapagpasyahang umalis doon at dahil may Good Moral pang kailangang kuhain, tumungo pa sa Saint Anthony de Padua Church. Kung kailan papalapit ang yapak ko roon ay biglang humilab ang aking Sikmura. Sa una’y nagagawa pang pigilan at mapangiwi na habang pinipigilan ang paglabas ng masamang laman subalit pagkatungtong ng Simbahan at dahil babagsak na talaga na tila aabutan na ng panganganak ang pakiramdam, hindi na nagawa pang pigilan at dali-daling napasugod sa kanilang banyo. Walang ibang maramdaman kundi ginhawa matapos magbawas subalit namomoblema naman kung saan kukuha ng panghugas, hinayaan na lamang manatiling malagkit ang kailaliman ko.

12J-W. Pagkatungo sa kanilang office ay saktong ginagawa pa lamang ang Good Moral at nang malagdaan ng kanilang kura paroko, kaagad din naman ibinigay at walang ibang maramdaman kundi tuwa’t saya na halos mapatambling na nga pagkat nakumpleto rin ang mga ipinapapasang Requirements sa PRC ng Board Exam. Pagkauwi’y saka lamang nakaraos mula sa panlalagkit ng aking kailaliman at dahil pahupa na rin ang liwanag, tutok agad ang mata sa panunuod ng Telebisyon habang hinihintay na maluto ang ulam. Kinagabihan, heto muli ako’t magkakaroon ng Eye Bag sa kakarepaso’t anong hirap ng Statistics, di mo maiwasang maloka habang ito’y inaaral at inuunawa’t gumagawa na lamang ng paraan para ganahan at iyon ay isipin si Special Someone. Nang talagang nahihirapan at inaantok na rin, napagpasyahang ipagpabukas na lamang. 


July 28, 2018
Saturday
Year VI-209

12J-X. Umaga nanaman pala at kahit sumapit muli ang Weekend, kailangan nang bumangon at maghanda-handa pagkat may Review Session pa na kailangang pasukan, kung ibig talagang pumasa o maging Topnotcher pa. Dahil sa kukupad akong kumilos at kinailangan pang bumalik ng tahanan para kuhain ang nakalimutang pitaka, dakong Alas-otso nang makarampa sa Diliman College at saktong wala pang Instructor subalit kita kong abala sa pagsagot ang mga estudyante sa Test Drills, wala ako nun kaya hindi na nag-atubili pang manghingi sa mga Staff at agad na sinagutan habang hindi pa nagsisimula ang session. Minuto lamang ang lumipas nang magkaroon na kami ng Instructor at siya si Ma’am Alyssa. Medyo bata-bata pa ito’t may alindog ang hubog ng pangangatawan, nagising ang mga natutulog pang katawang lupa mula sa magdamagang tulog at kabagan nang husto sa kakatawa nang pasimulan ni Ma’am ang pagtuturo pagkat makwela itong magsalita, makulit at ang lakas pa ng boses na maging sa likuran, maririndi.

12J-Y. Para siyang pinagsamang Ma’am Hazel at Ma’am Culhi pagkat bukod sa malakas ang boses na magigitla ka talaga, may pagkamalibog din at mas malala pa nga dahil Vulgar ang pagsasabi ng maseselang salita habang ito’y nagtatalakay at parang di bagay sa isang kagaya niyang sa unang tingin ay aakalaing Maria Clara at di makabasag-pinggan. Gayunpaman ay napakahusay nitong magturo’t naka-catch up niya lahat ng aming atensyon, ultimo mga lutang at di malaman kung paano niya nagawa iyon. Buong umaga at bukod sa tutok ang teynga sa pakikinig ay panay pa ang hagikhikan at grabe, sa lahat ng mga Instructor na dumaan sa amin, siya ang nagpasaya sa amin ng lubos pagkat ang kulit nito magturo.

12J-Z. Pagpatak ng tanghali, tigil muna ang review session para magbigay daan sa aming magsisipagkain na kanina pa tinitikis ang kagutuman at sa halip na lumamon ay sinamantala ang oras para sagutan ang Test Drill subalit kalaunan at nang pumipintig-pintig na ang Sikmura dulot ng gutom, di na napigilan pang kumain. Nang mabusog ay nanumbalik ang kaganahan sa pagsagot. Pagpatak ng Ala-una at bago kumuda muli ang aming Inday-Kengkay na Instructor, pinag-stretching niya muna kami at lubos na nag-enjoy kaya ang mga tutulog-tulog na katawang-lupa, nagsigising na. Yung masaya magturo ni Ma’am Alyssa pagkat nilalahukan ng katatawanan kahit may mga oras na nakakapagbitaw ito ng sensitibong salita, interesadong making sa kanya kaso nawawala sa pokus gawa na aandap-andap na ang mata sa antok.

12K-A. Dahil determinadong may matutuhan at makapasa, pinigilan ang namamayaning antok, kaso nahihirapan at napapapikit na lamang na akala mo’y may sariling buhay ang mata. Nawalan na tuloy ako sa pokus at ibig nang matulog na lang. Sa pagsapit ng ikalima ng hapon ang pagtatapos ng aming review session at sa wakas ay makakauwi na rin matapos ang maghapong halos malamog na ang utak sa dami ng impormasyong kailangang ipasok at itatak. Pagkapauwi’y ulam agad ang aking hanap-hanap at dagliang lumamon pagkabihis. Kinagibihan at gustuhin pa man ng sariling gugulin ang mga oras sa pag-aaral, kaso pagod na ang utak at parang ibig na nitong magpahinga, piniling matulog na lamang.



July 29, 2018
Sunday
Year VI-210

12K-B. Sumapit nanaman ang panibagong umaga at kahit namumugto pa ang mata sa kaantukan, kailangan nang awatin ang sarili sa kama’t mag-almusal para sa pagpasok. Minuto na lamang ang nalalabi bago sumapit ang Alas-otso nang makarating sa Diliman College. Habang di pa dumarating ang aming instructor na saksakan ng kulit habang nagtuturo’t tila walang kapaguran sa kakasalita, sinamantala ang oras sa pagsagot ng Test Drills. Ilang sandali pa nang pumasok si Ma’am Alyssa at bago ito magsimulang magturo, nagpasayaw pa ito sa amin. Hindi mapigilan ang magtawanan sa oras na nagkakamali ng sayaw at mukhang putcho-putcho na sa pinaggagawa. Iba talaga ang buhay na matatamo mo kapag si Ma’am Alyssa ang magturo pagkat di boring ang klase niya.

12K-C. Matapos ang katuwaan sa sayawan ay saka lamang ito magsimulang magturo’t mauulinig nanaman ang nag-uumapaw nitong boses sa lakas at parang nakikipag-away lang si Ma’am kung ito’y pakikinggan mo. Ang kaninang seryosong klase’t halos di na maipinta ang kanya-kanyang pagmumukha sa pakikinig dulot ng stress, nagkabuhay nang humugot si Ma’am Alyssa at bentang-benta bawat pahirit niyang hugot, mababanaag mo sa mukha ng karamihan sa amin na nakaka-relate. Psychological Assestment ang subject na nirepaso namin at matapos ang Checking ng kanya-kanyang test drills, magimbal ang lahat sa amin pagkat yung mga highest, kaunting kembot na lang, perfect na’t halimaw ang utak! Lalo pa tuloy kinakabahan sa darating na Board Exam pagkat dahil sa kanila na pang-top notcher ang natatamong marka kahit Diagnostic pa lang, lumiliit ang tiyansang makakapasa subalit di iyon ang dahilan para panghinaan ng loob basta may pagsusumikap at kung sinuman ang pinagkalooban ng katalinuhan, huwag naman sana nila masyadong galingan para maraming makapasa.

12K-D. Ilang sandali pa’y lunch break na’t matapos kumain, magsusunog-kilay sana ako at gagamitin ang oras para sagutan ang Test Drills, naudlot dahil nakakatuwang kakwentuhan sina Hannah (Bernardino) at mga kasamahan namin. Sa saya ng usapan namin na puro tawanan at lokohan sa isa’t isa, walang kamalay-malay na nasa harapan na si Ma’am Alyssa at magsisimula nang magturo. Habang nagtuturo si Ma’am at panay patawa sa klase na iisiping anak ng komedyante, ako naman itong aligaga sa pagsagot ng Test Drills at kahit multi-tasking na ang ginagawa, Thank God pagkat may natutuhan pa rin. Maya-maya pa ay muli akong tinablan ng kaantukan. Maigi na lamang, nakakatuwang magturo si Ma’am Alyssa at di mo malaman kung saan humuhugot ng lakas pagkat malakas pa rin ang boses kahit maghapon nang nagsasalita, naparam ang antok ko lalo nang pinag-stretching niya muli kami.

12K-A. Sana dumating pa ang pagkakataon na maging Instructor muli namin ito pagkat isa siya sa pinakamasaya’t mahusay magturo. Sa kakatsika ni Ma’am pero related naman sa lesson at dami ng kailangan niyang i-discuss, inabot na ng Alas-singko y media bago tuluyang matapos at bago kami lumabas, naisipan muna namin magpakuha ng litrato kasama siya. Sobrang mami-miss ko si Ma’am Alyssa kahit dalawang araw lamang namin ito nakasama. Pagkauwi’t gawa ng namamayaning gutom, kaagad nang naghapunan. Kinagabihan, aligaga muli ako sa pagrerepaso’t nang tamarin na, panunuod ng Telebisyon ang sunod na inatupag. Matutulog na sana ako subalit anong ingay sa labas dulot ng mga naglalamay, walang ginawa kundi magtiyaga sa nakaririnding kaingayan pagkat di mo naman sila masasabihan.         
    


July 30, 2018
Monday
Year VI-211

12K-B. Lunes nanaman pala, hindi na kailangan pang gumising ng maaga para dumalo sa Review Class subalit kailangan naman gugulin ang araw na ito hanggang Biyernes upang magrepaso. Kaalmusal pa lamang ay kaagad nang tutok ang mata sa pagbabasa’t unawa ng bawat talatang nadadaanan ng aking paningin. Dahil may ibang pinagkakaabalahan sina Mama at Papa, pinagsabay ko na ang pag-aaral at pagtitinda’t walang gasinong bumibili kaya hindi naman naging mahirap sa akin ang mag-aral pero sa una, medyo nahihirapan talagang umunawa’t madalas ma-mental block. Habang lumilipas ang sandali’y unti-unti naman gumagana ang utak na siyang ikinatuwa ko kaya nakakapagkabisado’t unawa na ng maayos at mistulan nang tinakasan ng bait kung magsalita mag-isa habang ini-explain ang anumang nabasa para lalo pang maunawaan at pumasok sa isipan. Habang aligaga sa pag-aaral at nagsasalita mag-isa, ang siya naman dating ng pinsan ko kaya ang resulta, nawalan na ng konsentrasyon sa pag-aaral dahil sa malakas na pag-uusap nila ni Mama.

12K-B. Ilang oras pa ang nakakaraan na abala sa pag-aaral, makapasa lamang, oras na para mananghalian at parang pumapalakpak sa tuwa ang Sikmura dahil malalamnan muli siya ng pagkarami-rami, sa lakas ko ba naman lumamon. Balik ako sa dibdibang pagrerepaso matapos mananghalian. Nang makaramdam ng antok, ipinagpahinga ko muna ang mata’t utak sa pag-aaral. Bandang gabi nang mapagpasyahang ipagpatuloy ang pag-aaral. Nahirapan muling itatak sa isipan ang inaaral sa kadahilanang nuknukan ng ingay sa aming kapaligiran, nakadagdag pa sa ingay ang mga dalagitang nakatambay mismo pa sa harap ng aming tindahan kaya dinig na dinig ang kanilang pag-uusap na pawang kalandian lamang at sarap pagsisipain at kurutin ng diin sa mga singit-singit pagkat masyadong mga Pabebe, nakakairita ang mga tilian nila.

12K-C. Sa halip na pagsabihan ay hinayaan ko na lamang sila’t humanap ng lugar kung makakapag-aral ng maayos. Sumapit na ang Alas-dyis ng gabi na dapat sana’y makakamtan na ang mataimtim na kapaligiran subalit malayong-malayo pagkat umaalingawngaw pa rin ang ingay dulot ng mga nagsusugal sa lamay at mga tambay na panay patugtog pa. Hindi tuloy ako makatulog dahil sa namamayaning ingay at ganito talaga sa aming lugar na tinaguriang Depressed Area, maingay at maya’t maya’y nagkakaroon ng away. Marahil kung nakatira lamang kami sa Village, kahit boring ay hindi ka naman maririndi sa ingay, makakapag-isip ka pa ng maayos maging sa pagtulog. Ano pa nga ba ang magagawa kundi magtiyaga’t lilipas din ang mga bagay na kinaayawan mong mangyari.      



July 31, 2018
Tuesday
Year VI-212

12K-D. Hindi ko pa nga nararating tulog na kasing lalim ng balon ay nagising na dahil sa malakas na buhos ng ulan. Dumagundong muli sa takot ang aking dibdib pagkat sinabayan pa ng pagkulog at kidlat. Sa lakas ng ulan, tila sinasalanta na kami ng unos at kahit bumabagyo na, ang mga manunugal, walang katinag-tinag sa pagsusugal at sige pa rin sila. Iba talaga kapag hayok na hayok ka sa bagay, wala nang makakapigil sa’yo kahit mag-alburoto ang panahon. Dahil sa Thunderstorm, lalo pa tuloy hindi makatulog. Humupa naman ang ulan kinalaunan at Alas-kwatro na pala ng madaling-araw. Dahil di na maibalik ang antok, kahit di pa humuhupa ang kadiliman ay bumangon na ko’t nagbasa-basa. Sa sobrang abala ko’t napasarap pa sa pagbabasa, hindi namamalayang Alas-sais na pala. May follow-up check-up pa ko sa UST at sa takot na mahuli’t maabutan ng maraming pasyente, Alas-siete pa lamang ay naghanda-handa’t bihis na ko.

12K-E. Anong traffic talaga sa lansangan na problema pa rin ng sambayanang Pilipino sa tuwing bumibiyahe, lalo nang mapadako sa Espanya kaya dalawang oras din ang lumipas nang makatungtong sa UST. Saktong naroroon na ang Doctora Dacayan at nakakatuwa dahil ako ang una sa magiging pasyente niya ngayong araw at kaagad nang humarap sa kanya. Lalo pa kong natuwa pagkat puro maintainance na lamang ang nireseta niya sa akin. Tila nahanap na ang aking the one and only forever sa sinasabi ng Doktora pagkat habang-buhay ko na raw gagamitin ang Inhaler at Nasoflo na inilalagay sa ilong. Hirap nga naman ng buhay kapag may sakit sa baga at sangkatutak na gamot ang makakaharap mo na ang ilan pa’y panghabang-buhay na. Masyado pang maaga kaya di ko pa binalak umuwi’t naisipang maglamyerda muna.

12K-F. Dahil matagal-tagal na ring hindi nakakabisita na higit isang taon na rin ang nakakaraan, sa bahay ng Ate Anne ko naisipang bumisita. Habang lulan ng Jeep ay maasiwa ako sa tugtog ng tsuper pagkat bukod sa malakas ay basag pa, sakit sa teynga’t nakakarindi, hindi tuloy mapigilang magtakip ng teynga. Pagsasabihan ko sana, kaso sa lakas ba naman ng tugtog niya’y malabong marinig ako, kahit itodo pa ang boses, wala na lamang ginawa kundi pagtiyagaan ang nakakarindi nitong tugtog. Sa layo ng biyahe, tatlong oras din ang hinintay ko bago makaalpas sa Muzon, Bulacan. Isang taon pa lang akong hindi nakakadalaw ay hindi na alam kung paano patungo sa kanila’t naging pahirapan sa akin ang matunton ang bahay ng Ate Anne kaya di na mapigilang magtanong-tanong, ni ipinakita ko na nga sa mga taong mapagtatanungan ang kanyang litrato na akala’y nawawala hanggang sa may magturo sa akin ang kinaroroonan ng kanyang bahay.

12K-G. Marami kasing pasikot-sikot sa kanilang lugar at pare-parehas halos ang hitsura ng mga kabahayan kaya kapag di ka taga-roon, maliligaw ka talaga. Sa tulong ng ale, sa wakas ay natunton ko na rin ang bahay ng Ate Anne subalit wala ito’t tanging bayaw at anak lamang niya ang nadatnan ko. Ipina-check daw nito ang kanyang bunsong anak sabi ng bayaw at ikinagulantang ng dibdib ang aking nabatid. Aalis na sana ako subalit nanatili muna roon at nakipagkwentuhan, nakipaglaro na rin sa mga malilikot niyang anak at pinawi nila ang pagod na aking taglay sa kakahanap ng kanilang bahay. Bandang Alas-tres na rin nang mapagpasyahan kong umalis sa kanila kahit di nadatnan si Ate Anne, hindi naman napunta sa wala ang pagpunta ko sa kanila pagkat labis na nalibang sa mga pamangkin ko.

12K-H. Bandang Alas-singko na rin nang makauwi ako’t tikom ang bibig kina Mama patungkol sa pagtungo ko sa Bulacan. Kinagabihan, tutok muli ang mata sa pagsusunog-kilay. Hirap nanaman ipokus ang sarili sa pag-aaral gawa na nuknukan muli sa ingay ang kapaligiran at nakatambay muli sa harapan ng aming bahay ang mga malalanding dalagita. Ilang araw na kong nagtitiis sa nililikha nilang ingay na siyang nagpapahirap sa akin para makapag-concentrate at sa yamot, tahasan na silang pinagsabihan. Tila hindi nakuha sa isang sabi lamang at nagpatuloy pa rin sa kwentuhan kaya napaulanan ko na sila ng di magagandang kataga. Nagsialisan naman ang mga malalanding Pabebe ng Taniman at talagang nagliyab ang loob ko sa kanila.

12K-9. Sa gabi-gabi ba naman na ginawa ng Diyos, sa tuwing napapatambay sila sa amin ay puro kalandian ang maririnig, nagtitilian pa paminsan-minsan, hindi na nahiya’t mag-asawa na lamang sila kung ganyan kahit menor de edad pa lamang, tutal mukhang mga bulakbol. Nagsialisan man ang mga Pabebe, dinig pa rin ang ingay dahil sa mga nagsusugal, nakakawalang-gana na tuloy mag-aral subalit ipinagpatuloy ko pa rin. Dahil mahilig ako sa puyatan, malapit nang magmadaling-araw nang mapagpasyahang matulog.