Sabado, Hunyo 30, 2018

66. June 2018 Journal (Day 1978-2007)


June 01, 2018
Friday
Year VI-152

12C-F. Ang bilis ng panahon, sumapit nanaman pala tayo sa panibagong buwan ng taon. Nagbago man ang buwan, wala pa ring pagbabago sa kinakaharap naming sitwasyon, paano hanggang sa panahong ito'y nakagapos pa rin si Mama sa kanyang karamdamang hirap unawain at dumadaing muli ng pagsakit ng ulo. Bukod pa sa masakit daw ang ulo, nanghihina raw ito. Ang ate naman na sa halip na pagaanin ang loob ni ina't gumawa ng paraan kahit paano'y mabawasan ang hirap na kanyang sinasagupa, pinagagalitan lamang nito't nagawa pang magbitaw ng matatalim na salitang sa aking inaakala'y di nito makakayang bigkasin. Bukod sa dumaraing si ina, nagawa pang magsisigaw, ni nakukuha ngang sipa-sipain ng paulit-ulit ang Pader kaya di kumbinsidong nanghihina nga ba ito't malakas ang kutob na baka nag-iinarte lamang si Mama. Kung nag-iinarte, palaisipan kung ano ang kanyang dahilan at mukhang kakikitaang nasisiraan na nang bait, hindi naman baliw si Mama para pahirapan kami't Psychiatrist na mismo ang nagsabi na may Anxiety Disorder ito.

12C-G. Kung nanghihina'y walang lakas para magsisigaw-sigaw at padyak, pakiwaring namamalimos lamang siya ng atensyon sa amin. Sa kabila na masama pa rin ang lagay ng bahay, tuloy pa rin ang buhay maging ang aming negosyo na hindi hinayaang magpatinag at sige pa rin sa pagtitinda. Pagpatak ng tanghali nang bumisita muli sina Ate Bulehn sa amin. Ipinabatid nila na ngayong araw pala idinaraos nina Auntie Caling ang ika-40 araw na kamatayan ni Uncle William at todo udyok sila na magtungo kami roon pagkat sila-sila lamang daw ang naroroon. Dahil may sakit si Mama na kailangang bantayan, sa una'y medyo nag-aalangan kaming sumama subalit kinalaunan, nakumbinsi rin nila kami. Ako, si ate bitbit ang anak nito lamang ang sumama sa pagtungo kina Auntie Caling.

12C-H. Pagkatungtong at sa hinaba-haba ng panahong hindi nakakabisita sa kanila, ang laki na nang pinagbago ng kaloob-looban ng kanilang bahay, bukod pa roon ay ang daming mga paslit sa kanila. Tila masarap tumira sa bahay nila pagkat pakiwaring masaya, iisipin mong wala silang kinakaharap na problema hindi gaya namin. Habang hindi pa nagsisimula ang dasalan, tamang usap-usap lamang kina Tita Haydee at sa gara ng loob ng kanilang bahay, nanaisin mo palaging mag-ingat upang hindi mabaon sa kahihiyan kapag nakabasag ka.
12C-I. Ilang sandali pa nang magsimula ang kanilang dasalan na tumagal nang halos isang oras at pagkatapos, hindi na mapigilan ang masabik pagkat kainan na't tamang-tama sa sikmurang kanina pa nag-uumapaw sa kagutuman sa kabila na nakapagpananghalian na. Marami silang naging mga handa't sa gutom, wala nang hiya-hiyang kumuha at bumanat, kahit napaparami. Sa dami ng aking nilantak na iba't iba, hindi na halos makapagsalita dala ng kabusugan. Gawa na nagpapatunaw pa't sa halip na umuwi matapos kumain, nanatili muna't naki-jamming kina Tita Haydee sa pakikipagkwentuhan. Maya-maya pa, bigla akong tinamaan ng antok kaya ang resulta, hindi ko na nahintay pa sina Ate sa pag-uwi. Nakasama ko si Auntie Andrea sa pag-uwi't pag-uusap nila ni Mama na puro patungkol lamang sa kanyang sakit ang naging dahilan kung bakit hindi makatulog at ang ingay, subalit walang ginawa kundi magtitiis-tiis. Lalo pang umingay ang kaloob-looban ng bahay ngunit masaya nang dumating pa sina Ate Bulehn. Inabot pa ng halos dalawang oras bago tuluyang magsiuwian ang aming mga bisita. Kinagabihan at habang aligaga sa pagtitinda, tamang panunuod lamang ako ng Documentary at Comedy Show.

12C-J. Dami ko muling tawa habang tutok ang mata sa panunuod at tila walang pakialam sa mga taong dumaraan kung marinig nila ang paimpit kong pagtawa na sakit marahil sa teynga, basta ang sa akin ay masaya ako. Sa sobrang humaling ko sa panunuod, hindi namamalayan ang pagsipa ng Alas-nuebe at kailangan ko nang magsara. Napalitan ng lungkot ang kaninang ako na maligaya nang marinig mula sa bibig ni Papa na sumusuko na ito sa amin. Dala lamang marahil na sobrang stress ito dulot na sunod-sunod ba naman ang dumarating na problema sa amin kaya nasasambit ang ganong bagay.

12C-K. Naiisip na rin ni Papa na marahil ay pinaparusahan kami ng Diyos subalit para sa akin, hindi ako naniniwalang pinarurusahan kami ng Diyos, bagkus ay naniniwala akong pagsubok lamang ito na ibinigay niya sa amin na kailangang lampasan. Hindi sadista ang Diyos para parusahan at pahirapan ka ng katakot-takot pagkat mapagmahal ito, kahit gaano pa tayo kasama. Ang bawat problemang dumarating ay nangangahulugang sinusubok ko lamang ng Diyos o binibigyan ng leksyon sa kamalian na iyong nagawa upang hindi ka na magkamali ulit. Kaya huwag isiping pinaparusahan tayo ng Diyos kapag may problema at puro pighati at pagdurusa ang kinakaharap, bagkus ay isiping pagsubok lamang iyon.             


June 02, 2018
Saturday
Year VI-153

12C-L. Inabutan nanaman ng pagputok ng liwanag sa paggising. Napakabanayad ng umagang dumating sa akin pagkat maayos-ayos si Mama na malayo sa kahapong halos masiraan na kami ng bait dulot na ito'y sinusumpong. Tila nilulubayan na kami ng problema o marahil ay nagpapahinga lamang ito't maaring umatake sa mga darating na araw. Gayunpaman, umaasa akong nawa'y magtuloy-tuloy na ang paggaling ni Mama, nang sa ganon ay malampasan na namin ng tuluyan ang problema. Pagkalamnan sa Sinapupunang magdamag na walang laman, ano pa nga ba ang gagawin sa umaga kundi magtinda, na siyang halos araw-araw na ginagawa. Wala na halos bumibili, tila tumatamlay na ang aming negosyo. Nakakawalang gana na tuloy ang magtinda subalit kailangan hindi panghinaan ng loob at sumuko, dahil anumang pagsuko sa buhay ay nangangahulugang hinayaan mong maging talunan. Ayos nang ikaw ay matalo sa isang laban, ang mahalaga ay di ka sumuko o umayaw. Kinahapunan at dala na nababagot nang magtinda o manatili sa bahay, naisipan kong magtungo sa Computer Shop.

12C-M. Tamang libang lang sa sarili sa panunuod ng Gag Show at grabe, halos mamatay-matay ako sa kakatawa at ang saya ko muli kahit mag-isa lamang. Kinagabihan, naantig muli ang aking ginintuang pusong madaling tablan ng kahabagan nang matunghayan ang isang kwento sa Maala-ala Mo Kaya na patungkol sa tatlong magkakapatid na lalaki na dalawa sa kanila ay dinapuan ng hindi birong sakit na kung tawagin ay Distonia. Anong hirap ng kalagayan kapag may ganon kang kondisyon na kung saan Genetic Condition ang pinag-uusapan at malaki pa ang tiyansang mamana ng anak na lalaki. Bukod pa roon ay mag-isa na lamang binubuhay at inaalagaan ng tatay ang dalawa nitong anak na sabay pang nagkaroon ng Distonia matapos pumanaw ang kanyang kabiyak at napakahirap iyon para sa kanyang nag-iisang magulang na lamang, sa kasamaang palad pa ay pareho silang namatay dulot ng sakit.
12C-N. Yung pangatlo naman nitong anak na hindi pa dinadapuan ng sakit, negatibo na't iniisip na baka matulad rin ito sa dalawa niyang nakakatandang kapatid na namatay, kaya na-depress at napabayaan na ang pamilya. Sa tampok na istorya naman sa Magpakailanman, may isang bata naman na ang kondisyon ay hindi tumatanda kahit ilang taong gulang na ito. Hindi lamang iyon ang dumating na dagok sa kanila pagkat nakuha pang mangaliwa ng tatay at nagkasakit pa ng malubha ang batang may kondisyon, naaksidente pa nga sa kanyang mismong kaarawan. Sa dalawang kwentong aking natunghayan na naging masalimuot ang takbo ng buhay, napagtanto ko na mapalad pa rin pala kami at dapat na magpasalamat sa kabila na may kinakaharap din na suliranin na kung iisipin marahil, wala pa sa kalingkingan ng problemang kanilang pinagdaaraanan. Nagpapasalamat ako dahil hindi namin dinaranas ang pagsubok na dumating sa kanila subalit hindi ko mapigilan ang maawa't tiwalang hindi sila pababayaan ng Diyos. Anuman ang mangyari sa buhay, huwag kalilimutang magpasalamat sa Panginoon.      


June 03, 2018
Sunday
Year VI-154

12C-O. Hindi naging maganda ang dating ng umaga sa aking paggising at muling bumabayo ang malaunos na problema pagkat muling pinahihirapan si Mama ng kanyang kondisyon at nagsisigaw-sigaw. Kapareho pa rin ang kanyang dahilan kung bakit parang tinotopak muli nitong mga nakalipas na araw at iyon magdamag nanaman hindi makatulog, kaya masakit ulit ang ulo. Ang labis ko lamang ipinagtataka ay bakit kailangan pa niyang magsisigaw-sigaw at tawag sa amin, kaya minsan ay hindi na maiwasang isiping nasisiraan na ito marahil ng bait. Sa kabila na nagsisigaw-sigaw si Mama at dumadaing na sumasakit ang ulo, minabuting hayaan ko na lamang siya, iniisip na titigil din ito. Hindi pa natatapos ang pangyayari at bukod sa nagsisigaw-sigaw, nakuha pa nitong magpapadyak-padyak at pinaghahagis ang mga unan, kaya ang ate na sa sobrang yamot, hindi na nakapagtimpi pang saktan si Mama. Sa halip na ipagtanggol ay muntikan nang dumaloy ang luha sa mga habang pinagmamasdang sinasaktan ni Ate ang kaawa-awang kalagayan ni Mama pagkat di ko rin ito masisisi.

12C-P. Hindi pa natapos ang pangyayari nang bigla itong maglupasay sa sahig at nagpapadyak-padyak. Tila malala na si Mama, ayaw ko man isipin o sabihin subalit pakiwari ko'y may sakit na ito sa pag-iisip o sa madaling sabi, nababaliw na. Nagpatuloy si ina sa pagiging Hysterical niya hanggang tanghali, kaya kaming mga kasamahan nito, abot-langit ang natatamong stress, napapaisip kung nararapat na ba siyang ipatapon sa Mental Hospital pagkat iba na ang nagiging kilos, tila hindi na siya ang aming kaharap. Kinahapunan naman, lalo pang umigting ang sitwasyon nang paulit-ulit na katukin ni Mama ang pintuan ng kwarto ng ate upang humingi ng gamot, ang resulta'y tila dinaig pa ang mga manok kung sila'y magsabong at nagkakapasa na nga si Mama. Ang ate naman na kanina pang umaga natotorete pagkat bukod sa nayayamot dulot ni Mama, may maliit na bata pa itong inaalagaan kaya halos umiyak na.

12C-Q. Maging ang bata, nadadamay na sa problemang kinaharap namin pagkat umaiiyak at naisturbo ang pagtulog. Anong bigat nga naman ng pasan-pasan naming suliranin na tila ibig nang sumuko subalit nagpakatatag ako't gumawa ng paraan upang maging Chill pa rin ang buhay. Huminto naman si Mama sa pagkatok-katok sa pintuan nang mabigyan ng gamot ni Ate subalit patuloy itong nagpakita ng abnormalidad sa pagkilos gaya ng pakanta-kanta't sigaw. Balak ko sanang maglakwatsa noon, kaso paano naman makakaalis kung ganito kaseryoso ang kinaharap na sitwasyon at kailangan ko tulungan sina Papa at Ate sa pagbabantay kay Mama na tila nawawala na sa sarili at anumang oras, makagawa ng bagay na hindi namin inaasahan. Saka lamang nakapagtinda nang tumino-tino kahit paano si Mama.

12C-R. Nababagot muli ako ng lagay kaya panunuod ng Dokumentaryo ang naging pampalipas oras ko. Magkahalong awa at takot ang kumurot sa dibdib nang matunghayan ko ang tampok na programa patungkol sa mga taong may karamdaman sa pag-iisip at kapag di na kayang alagaan, pinapatapon na lamang sa Mental Hospital, kinukuryente ang utak kapag sinusumpong na kung tawagin ay Electric Convulsive Therapy. Kahit lumalaki na ang tiyansang maaari na namin ipasok sa Mental Hospital si Mama pagkat lumalala na ito, nag-aalangan na ko sa maaaring maging pasya namin at magiging kaawa-awa lamang ang kasasapitan nito. Pagsapit ng gabi, heto muli ako't nililibang ang sarili sa panunuod ng Telebisyon. Nang dapuan ng antok, saka napagpasyahang matulog at dalanging makatulog na si Mama kahit walang gamot nang sa ganon ay hindi na ito sumpungin tuwing umaga.


June 04, 2018
Monday

Year VI-155

12C-S. Pagsisimula ng balik-eskwela ng mga estudyante sa lahat ng Public School at nakakatuwa dahil di ko na kailangan pang gumising ng maaga para lamang pumasok ng maaga sa eskwela subalit nakaka-miss ang buhay estudyante at di ko na mararanasan pa ang kinakaharap nila taon-taon sa tuwing nagbubukas ang klase. Sa pagmulat ng mga mata ay hindi kagandahang umaga muli ang bumungad sa akin pagkat gaya pa rin nitong mga nakalipas na araw ang kinakaharap naming sitwasyon. Muling dumadaing si Mama ng pananakit ng ulo't nagsisigaw-sigaw pa't tawag. Kami namang mga kasamahan nito, magkahalong inis at pag-aalala ang namamayani sa dibdib. Ilang sandali pa, biglang bumangon si Mama at pinagkakatok nanaman ang pintuan ng kwarto ng ate, kaya ang resulta ay nagawa muli nitong pagbuhatan ng kamay. Ang kaninang si Ate na napakapusok habang nakakapagbitaw ng masasakit na salita kay ina, napaiyak na, sinasabing pagod na pagod na raw.

12C-T. Sa kabila na tila wala nang katapusan ang kinakaharap naming problema, nagpapasalamat sa Diyos dahil di niya hinahayaang bumitaw at sumuko ako, kaya ngayon ay chill pa rin ng lagay kahit minsan, sumasakit na ang ulo dulot ng nararanasang stress. Nagpatuloy si Mama sa mga kilos nitong abnormalidad kaya di na maiwasang isiping kailangan na itong dalhin sa Mental Hospital, kahit batid namin na magiging kaawa-awa ito. Habang tumatagal ay para bang unti-unti na kong nanghihina, iniisip na tila palabo na nang palabo ang pag-asang gumaling si Mama subalit tiwalang malalampasan namin ang ganitong pagsubok, basta magpakatatag lamang ang bawat isa sa amin. Dahil sasamahan ko pa ang ate sa Shopwise upang kuhain nito ang Baby Rocker ni Anya, naghanda-handa't bihis na kahit ako'y tila nanlalata ng lagay dulot ng pangyayari.

12C-U. Kung kailan pasakay na kami ng ate sa Tricycle, nadiskubre kong nakabukas pala ang aking bag, lalo pa kong tinamaan ng panghihina nang makitang nawawala ang Cellphone. Inisip ko na marahil, naiwan lamang ito sa bahay kaya dali-daling bumalik at hinanap ang cellphone, halos mataranta na ko dulot ng pagkabalisa nang hindi mahanap ang Cellphone at napapaisip nang nalaglag siguro iyon kaya sige ako sa pagmamasid sa bawat madaanan, nagbabakasaling nahulog nga ang cellphone subalit di ito makita, kaya lalo pang umigting ang nararanasang stress. Kung sinuman ang nakapulot ng cellphone ko, nawa'y di magdalawang isip na magsauli. May problema na nga sa bahay, nawawalan pa ko ng Cellphone kaya nag-uumapaw na ang nararanasang stress at halos mataranta na rin.

12C-V. Sinubukan namin ni Ate na tawagan ito at saktong may sumagot, saka lamang ako kumalma-kalma ng lagay at tila nabunutan ng malaking butong nakabara sa Lalamunan nang mabatid na nasa bahay lang pala ang Cellphone at hawak-hawak na ni Mama. Saktong naroroon na ang magbebenta sa ate ng Rocker pagkatungtong namin ng Shopwise at hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa pag-uwi pagkakuha. Pagkauwi, kaagad na naming binuo ang Baby Rocker Chair. Sa una, lubos akong nangangapa habang binubuo ang Rocker at anung hirap, di naman ako magawang tulungan ng ate pagkat may bitbit itong sanggol, kaya halos panghinaan na ng loob at ibig nang umayaw. Nagkaroon naman kami ng Guide sa tulong ng Video sa Youtube at ang inakala kong mahirap, madali lang pala, madali rin tandaan kung paano buuin at baklasin. Para akong nakatanggap ng papremyo nang tuluyan na naming mabuo ang Baby Rocker ni Anya at kaagad na itong inilagak.

12C-W. Kinahapunan at gawa na hindi naman ako makalayas dulot ng kinakaharap naming sitwasyon, pagtitinda na lamang ang naging pampalipas oras ko. Kinagabihan ay labis na nagimbal ang kaloob-looban ng aking dibdib nang mabatid sa balita ang patungkol sa paghalik diumano ng ating pangulo sa babae at halos masuka ako habang tinutunghayan ang kanilang kissing scene sa halip mamula ang mukha sa kilig. Kahit ba naman sabihing walang malisya, hindi iyon magandang ihemplo para sa mga kabataang makakanuod at grabe talaga siya, parang dinungisan na niya ang dangal bilang presidente at bukod pa roon, hindi na nito naisip ang salitang pagrespeto. Sa lahat ng naging pangulo ng ating bansa, si Duterte talaga ang naiiba pagkat siya lamang natatanging pangulo ang gumawa nun at nakakahiya, di dapat tuluran ang ganong klaseng pag-uugali. Once you are now a leader, keep the respect to your subordinates or constituents. Paano ka kaya gagalingan ng mga nakakababa sa'yo kung ikaw pa lamang ay hindi marunong rumespeto't hindi mo iyon deserve kapag lumagay sa ganon gaya ng ipinakita ni Duterte. 


June 05, 2018
Tuesday

Year VI-156

12C-X. Sumapit na ang madaling araw subalit hindi ko pa rin makuha-kuha ang masarap na pagtulog, tinamaan na marahil ako ng Insomnia gaya ng dinaranas ni ina subalit hindi naman nasakit ang ulo. Kung kailan pasakop na ang liwanag, saka naman ako nakatulog kaya ang resulta, malapit nang sumapit ang Alas-nuebe nang ako'y magising at sa kabila na nakatulog, hindi ako masigla pagkat muling sinusumpong si ina at nanakit daw ang ulo nito. Sa totoo lamang, nagsasawa na kami sa pangyayari pagkat paulit-paulit, ipinapahiwatig na walang katapusan, paano'y matigas ang ulo at makailang ulit nang kinumbinsing magpa-admit na sa Ospital upang matingnan at malaman ang dahilan ng kanyang mga nararanasan subalit patuloy naman itong nagmamatigas, hirap na hirap na talaga kami sa kanya at kawalan nang ganang gumawa ng paraan upang mapagaling siya. Sana bigyan pa ng Diyos ng lakas ng loob upang di sumuko sa kinakaharap na sitwasyon, sa ngayon ay nakakaya ko pa at nakukuha magpakatatag, hindi ko lang alam sa mga susunod na araw.

12C-Y. Pagpatak ng tanghali at sa kabila na sinusumpong si Mama na tila talipa ang pag-iisip, hindi naman nito nahadlangan ang pagtungo namin ng ate sa Commonwealth Medical Hospital upang ipatingin si Baby Anya sa Pediatrician. Kaagad din namin itong naipatingin at ang kaninang maaliwalis na panahon na tila nakangiti pa sa'yo ang araw, biglang kumulimlim, nagbabadyang bumuhos ang ulan sa aming pag-uwi. Aakalain mong lumagom na ang gabi sa dilim ng kalangitan at niyanig bigla sa takot ang dibdib nang kumislap ang napakatalim na kidlat at sinundan pa ng malabombang dagundong ng kulog, aabutin na marahil kami ng malakas na ulan. Hindi pa man kami nakakauwi nang bumuhos na nga ang napakalakas na ulan at sinabayan pa ng hangin kaya mistulang sinasagupa namin ang napakalakas na bagyo at halos mag-zero visibility na nga. Sa lakas ng ulan, pagdaan namin sa De Gloria, na-stranded pagkat mataas na ang baha. Walang ibang maramdaman kundi yamot at takot pagkat patuloy kong nakikita ang pagkislap ng kidlat, pakiwaring anumang sandali ay maaaring sumabog ang aming sinasakyan oras na tumama ito't hindi ko malaman kung bakit nakakapag-isip ng ganong bagay, dala marahil ng matinding takot at halos mapaihi na nga ako pero pinigil lang.

12C-Z. Nang bumaba na ang baha ay saka lamang lumusong ang aming sinasakyan pauwi. Sadyang mataas pa rin ang baha na akala mo'y sinusuong ang ilog kaya naging mabagal kami sa pagkilos at nagtagal pa bago makauwi. Ligtas naman kaming nakauwi sa kabila na inabutan ng unos at iyon ang ipinagpapasalamat, subalit parehong problema pa rin ang siyang sumalubong pagkat kanina pa raw nagsisigaw-sigaw si Mama. Nababalisa na nang lagay pagkat hindi na malaman ang gagawin sa kanya at gawa na napapagod na ko sa kakapayo sa kanya upang maiwaksi sa isipan niya ang mga masasamang bagay, mas pinili ko na lamang hayaan siya at magpahinga, wala rin naman mangyayari.

12D-A. Hindi pa natapos ang pangyayaring sadyang nagpapahirap sa amin at kinagabihan, kung kailan magsisipagtulog na kami, punta naman nang punta si Mama sa aming pwesto at kung ano-ano ang pinaggagawa at pinagsasabi na hirap intindihin. Sa una, nakakaya ko pa't hinayaan lamang siya subalit nang maglaon at masyado na kong naiisturbo, nagawa nang sumigaw at sapilitang pinapapasok sa kwarto. Sadyang napakatigas ng ulo't sa muling pagkakataon ay bumalik siya at kami'y kinulit-kulit na matutulog na. Nagngungumitngit na ang aking loob dulot ng pagkairita sa kanya at sa inis ko, humingi na nang tulong kay Ate. Batid kong sasaktan niya ulit si Mama kapag nalaman ang mga pinaggagawa subalit iyon lamang ang naisip na paraan upang matigil siya. Hindi nga nagkamali sa akala't muling napagbuhatan ng ate si Mama ng kamay at hindi ko naman ito masisisi pagkat maging ako'y nayayamot na talaga sa kanya. Tumigil naman si Mama sa pangungulit at lapit sa amin matapos iyon gawin ng ate at saka lamang din nakatulog ng matiwasay.   


June 06, 2018
Wednesday
Year VI-157

12D-B. May kaliwanagan na sa labas nang ako'y magising at bumagon na rin. Kahit paano, makakapagpahinga kami mula sa stress na dulot ng pagkasumpong ni Mama pagkat maayos-ayos ito't nagagawang gampanan ang gawaing bahay, hindi gaya ng mga nakalipas na araw na sa maghapon ay nakahiga lamang ito, iniinda ang pananakit ng ulo't sa oras mararamdaman iyon, nagiging kakatwa ang kanyang kilos. Hindi ako sigurado't kumbinsidong magaling na nga si Mama subalit umaasa akong magtutuloy-tuloy na ito at darating ang panahon na gagaling din siya. Pagkalamnan ng sikmurang magdamag na walang laman, naisipan kong maglaba sa kabila na tila nanamlay ang panahon at nagbabadya pang umulan. Kung kailan nagsasampay na ko, saka naman biglang dumilim ang kalangitan, pasalamat na lamang at hindi naman naganap ang aking pinangangambang bumuhos ang ulan.

12D-C. Matapos maglaba't magsampay, panunuod naman ng telebisyon ang naging pampalipas oras ko. Sa kabila na tila namamanglaw ang panahon ay nakuha ko rin magsaya pagkat daming tawa habang nanunuod ng Puro Katatawanan, na isang segment sa Showtime at bukod sa napapasaya ka, pampatanggal din ng stress at nakakalimutan ang problemang mayroon ka. Sana ganito parati ang buhay na kahit masalimuot ang mga dumarating na pangyayari, nakukuha mo pa rin maging maligaya kahit simple lamang at nagkakaroon din ng dahilan para lumakas ang loob. Kinahapunan, tanging pagtitinda lamang ang inatupag ko. Pagpatak ng gabi, bumuhos nanaman ang napakalakas na ulan at sa tagal, muling nalubog sa baha ang Ison Site na gabaywang na ang taas. Mabuti na lamang, hindi inabot ang lugar namin ng baha kahit malaunos ang buhos ng ulan. Dahil maulan ang gabi, naging masarap ang aking pagtulog.    


June 07, 2018
Thursday

Year VI-158

12D-D. Nananatiling mugto ang mga mata kahit maliwanag na dulot ng antok subalit kailangan nang gumising at awatin ang sarili sa paghilata kahit maaga pa lamang pagkat ngayong araw magpapakonsulta si Mama Psychiatrist nito. Sa una'y tila ayaw nitong magpatingin, gawa marahil na tinatamad o baka sinusumpong muli subalit sayang naman at nakakahiya sa Psychiatrist kung ipagpapaliban kaya walang ginawa kundi kumbinsihin siya. Tanging mapupusok na pananalita lamang ni ate ang tumibag sa matigas na paninindigan ni Mama na huwag magpatingin subalit yamot ang namayabi sa dibdib pagkat wala itong ginawa kundi buwisitin ako at pagsalitaan ng kung ano-ano, tila ibig ipahiwatig na ayaw niya kong kasama. Ayaw ko naman talagang sumama sa Check-up pagkat kung ako'y tatanungin ay tinatamad ako ngunit kailangan kong sumama para may makaagapay si Papa, lalo na't di namin alam kung ano ang tumatakbo sa isipan ni Mama at baka ma-stress ng husto si Papa kung nagkataong sumpungin muli ito. Binalewala ko na lamang ang mga sinasabi ni Mama at nagpatuloy sa paghahanda't bihis. Isa pa sa kinaiinis ko kay Mama ay masyado itong nagmamadali, ni hindi pa nga nakakapagsipilyo't ligo, gusto niya'y umalis na kami.

12D-E. Napalitan ng awa ang kaninang akong naiimbyerna sa kanya nang humingi ito ng tawad at nagpaliwanag. Sa sobrang pagmamadali at agap namin, bandang Alas-otso nang makatungtong sa Saint's Luke Hospital. Saktong wala pa halos katao-tao pagkatungo namin ng Clinic maging ang doktora ni Mama, kaya naghintay muna. Makaraan ang halos dalawang oras na tiyagaang paghihintay, sa wakas ay pinapasok na rin kami. Patungkol pa rin sa mga gamot na kailangan i-take ni Mama ang laman ng kanilang usapan at maya-maya, inirekomenda kami ng Psychiatrist sa Ob-gyne ni Mama pagkat naisip nitong ang pagtungtong niya sa Menoposal stage ang dahilan marahil ng pagkakaroon niya ng Insomnia at mga nararanasang Depression. Nakakapanghinayang lamang pagkat sa tinagal-tagal na may Psychological Condition si Mama, saka pa iyon naisip at sana nga, ang pagpapadagdag ni Mama ng Hormones ang maging solusyon para matuldukan na ang aming problema't kanyang pagdurusa dulot ng sakit.

12D-F. Kaso panibagong gastos nanaman ang bubunuin at panibagong gamot muli ang kailangang laklakin kaya itong si ina, di na mapigilan ang ma-frustrate. Pilit kong pinalalakas ang kanyang loob subalit mistulang teyngang kawali. Nagtungo pa kami sa Ob-gyne upang ipatingnan si Mama subalit wala raw ito. Kung kailan pauwi na kami, heto na nga ang sinasabi't hindi nagkamali sa akala pagkat muling sinusumpong si Mama. Panay ang hagis nito sa akin ng mga gamit na kanyang nakakapa't nagsisigaw-sigaw pa kahit lulan kami ng Taxi at may ibang taong kasama. Sa hiya, walang ginawa kundi pagsabihan ito't patahimikin at panay kalikot pa sa bukasan ng Taxi kaya nag-uumapaw na ang kaba sa dibdib at di maiwasang isiping baka tumalon na ito. Wala akong ginawa kundi pigilan at lawakan ang pag-intindi kay Mama, kahit sa totoo lamang ay napapagod na ko.

12D-G. Nagpatuloy sa pagiging abnormal si Mama hanggang sa pag-uwi namin sa bahay. Pakiwari ko, may iba pang sakit na kinakaharap si Mama bukod sa Generalized Anxiety Disorder kaya napag-iisipan nang dalhin ito sa Mental Hospital pagkat nawawala na sa hulog ang kanyang kilos. Kinahapunan at gawa na hindi naman makapaglakwatsa pagkat may kinakaharap pa rin kaming suliranin at nawawalan na rin ng gana, pagtitinda na lamang ang siyang pampalipas oras ko. Kinagabihan, lalo pang sumidhi ang nararanasan si Mama pagkat naghihina na raw ito't nagpapadala na sa amin sa hospital. Masyado nang alanganin pagkat gabi na't marahil ay nagloloko lamang ito kaya hindi namin siya madala-dala't baka mauwi lamang din sa wala kapag nagpunta kami roon, lalo na't ang kanyang panghihina't pagsakit ng ulo ay walang kinalaman kung anuman ang estado ng Pangagatawan niya kundi Psychological talaga. Ibig na sana namin siyang dahil sa Mental Hospital, kaso panay ang tanggi nito't nahihirapan na talaga kami sa pinaggagawa niya. Natagal pa bago kumalma si Mama. 


June 08, 2018
Friday
Year VI-159

12D-H. Malakas na paghiyaw ni ina ang tumapos sa masarap kong pagtulog pagkat hanggang sa panahong ito, may kinakaharap pa ring sakit na hirap matukoy kung ano't di na malaman ang gagawin. Ilang sandali pa at ang kaninang si Mama na nakahilata lang at nagsigaw-sigaw na tila nawawala sa sarili o sinasaniban ng masamang ispirito, dinaig pa ang suwail na paslit pagkat panay ang punta nito sa kwarto ng ate't nakukuhang mang-asar-asar kaya ang ate, walang ano-anong napagbubuhatan muli ng kamay si Mama, masakit man para sa kanya maging sa akin na sa halip na pigilan ay pinagmamasdan lamang. Nag-uumapaw ang pagkahabag ko kay ate pagkat aligaga na nga ito sa pag-aalaga ng kanyang anak, ginugulo pa ito ni Mama na tila nawawala muli sa sarili kaya labag man sa kalooban, nagawa ko munang ikulong si Mama sa kwarto para hindi ito lapit nang lapit at nanggugulo kay Ate.

12D-I. Isa pa'y abala ako sa pagtitinda't wala halos oras para mabantayan ang kanyang paglapit. Nakakalungkot na nakakapanghina lamang pagkat ngayong araw pa naman ang kaarawan ni Mama subalit sa halip na matamis na pagbati ang ipukol namin sa kanya, mga makasugat na pananalita gawa na nayayamot at nauubusan na ng pasensiya sa kanya. Nasasaktan ako sa tuwing napagsasalitaan ng masasakit na pananalita si Mama, subalit kailangan iyong gawin pagkat wala talagang maisip na paraan para tumigil ito. Ilang sandali pa at nang buksan ni Papa ang kwarto, sumipa ang gulat sa dibdib nang makitang ipinupulupot na ni Mama ang kumot sa kanyang leeg. Sobra kaming kinabahan sa kanyang kinikilos lalo nang sabihing magbibigti na raw ito.

12D-J. Malala na talaga ang sapak sa utak ng aming ilaw ng tahanan at sa sobrang taranta namin, daglian nang pinuntahan si Aling Tisay upang magpatawag ng Ambulansya at madala na ito sa Mental Hospital. Bukod sa naghihina'y naiiyak na rin sa nangyayari't hindi akalaing hahantong sa ganito na tatangkain na ni Mama ang magpakamatay. Nang magtungo sa amin si Aling Tisay kasama si Purok Jocelyn, saka naman umayos-ayos si Mama at itinigil ang balak na pagpapakatiwakal. Nagkahalo-halo na ang emosyon ko nang sabihin ni Mama na niloloko lamang niya ako kaya nito ginagawa, katwirang pabalang at nakakayamot ng husto. Walang ginawa sina Aling Tisay kundi udyukin si Mama na magtungo na sa Mental Hospital at magpatingin. Medyo natagalan pa at halos tumirik na nga ang mata nila sa kakakumbinsi bago mapapayag si Mama na magtungo na sa Mental Hospital.

12D-K. Hindi na kinailangan pa ang Ambulance pagkat kusa naman sumama sa amin si Mama at sinamahan pa kami ni Purok. Sa layo at gawa na matrapik pa, bandang tanghali nang makatungtong kami sa National Center for Mental Health doon sa Mandaluyong at hindi ko akalain na makakatungtong muli roon matapos ang higit isang taon nag huli akong magtungo para sa Inquiry ng OJT. Pumila pa kami't laking gulat nang sabihin ng purok na marami pang dapat asikasuhin bago makapagkonsulta si Mama sa Doktor, lalo na't baguhan lamang ito. Walang ginawa kundi maghintay habang pinoproseso pa ang pagpaparehistro ni Mama. Habang nakapila't naghihintay sa harap ng record office, samu't saring mga taong may karamdaman sa pag-iisip ang aking natunghayan at minsan, di mo maiwasan ang matawa dahil sa kakaibang kilos nila.

12D-L. May ilan sa mga pasyente na akala mo matitino, pero may Psychological and Mental Condition din pala't may ilan naman na malala't mahahalata mo talaga. Inabot ng halos tatlong oras na paghihintay nang sa wakas, tinawag na rin si Mama para magpa-check up subalit hindi kami pinayagang lahat na samahan si Mama pagkat kailangan isa lamang ang maaring sumama kada pasyente kaya kaming dalawa lamang ni Purok ang naiwan sa labas. Sa tagal ng paglabas nina Mama at gawa na naiinip na nang lagay, namasyal-masyal muna ako, naisipan na rin kumain pagkat kanina pa namamayani ang gutom sa Sikmura. Sa laki ng NCMH, naging pahirapan sa akin ang makabalik at magkandaligaw-ligaw na, umuulan pa kaya masyadong hassle.

12D-M. Saktong naroroon na sina Mama pagkabalik ko't labis na ikinagulat ang nabatid nang sabihing nakitaan si Mama ng Goiter sa bandang leeg at di lamang iyon, pagkat iyon ang tinitingnang dahilan kung bakit di makatulog si Mama. Nakakalito lamang at di na malaman kung sino ang paniniwalaan pagkat kahapon, sinabing pagiging Menopause ni Mama ang siyang puno't dulo ng mga nararanasan nito, tapos pagdating sa iba, pagkakaroon pala ng Goiter ang itinuturong dahilan. Gayunpaman, wala naman masama kung susubukan lahat ng nakikitang paraan, basta tuluyan nang gumaling si Mama at matuldukan na ang kinakaharap na problemang araw-araw ay nagbibigay kalbaryo sa amin. Naghihingalo na ang liwanag nang makarating kami sa bahay at kahit nagkasunod-sunod nga naman ang dumarating na problema, nanatili pa ring matatag at umaasang magiging maayos ang lahat.     


June 09, 2018
Saturday

Year VI-160

12D-N. Magdamag na bumuhos muli ang ulan na siyang nagbigay ng masarap na tulog at kahit pumutok na ang liwanag kung umuulan naman, nakakatamad ang bumangon at gusto'y maghapon na lamang humiga. Wala akong magawa't di naman makalayas gawa na masungit ang panahon kaya nagtinda-tinda lamang. Sa lakas ng buhos ng ulan hatid ng Habagat, hindi malayong baka bumaha muli't tuloy-tuloy talaga kaya ang mga bata't maging mga kasing gulang ko na marahil, tuloy-tuloy ang pagliliwaliw sa ulan at mababanaag sa mukha ang kaligayahan sa kabila na nagbabanta ang baha. Kasabay na masungit ang panahon, hindi rin maganda ang lagay ng aming pamilya pagkat si Mama na balot sa karamdaman at kung ano-ano nang sakit ang dumadapo sa kanya, muling inaatake ng pagkasayad at nagsisigaw-sigaw muli.

12D-O. Magkahalong inis at awa muli ang umiral sa dibdib at gawa na wala nang maisip na paraan para gumaan kahit papaano kung anuman ang kanyang mga pasanin, hinayaan na lamang ito. Nagpatuloy ang mga pag-ulan maging sa hapon at nang bahagya itong humina, naisipan kong lumabas at bumili ng pangmeryenda. Kung kailan nasa labas naman ako, bumuhos muli ang napakalakas na ulan. Saktong nakatungtong pa ko sa Ison Site, lugar na madalas bahain at habang hinihintay maluto ang inorder na pagkain sa isang Burger Shop, biglang rumagasa ang baha.

12D-P. Sa lakas ng agos at taas na rin, mukhang matatangay kung lulusungin at maaari pang malunod subalit sumuong pa rin ako pagkabili ng pagkain at hindi naman nalunod o natangay habang lumulusong. Mistulan muling ilog ang lansangan at sa kabila na may inaanod na mga basura't dumi pa nga, tuwang-tuwa ang mga nagsisipagligong bata sa pagtatampisaw sa baha't tila hindi inaalintana ang mga sakit na maaring makuha. Yung ilan, ginawa nang swimming pool pagkat nilalanguyan na. Ganito talaga ang kalagayan sa Sitio Ison Site tuwing tag-ulan at masaya subalit nakakabahala rin. Naging maulan sa maghapon at lalo pang lumakas pagsapit ng gabi kaya di mapigilang mangambang baka abutan na rin kami ng baha na huwag naman sanang maganap.      


June 10, 2018
Sunday

Year VI-161

12D-Q. Nanatiling maulan ang panahon kaya sarap lang humilata sa katre kahit umaga na't gising na ang mga kasamahan sa bahay. Ang sarap nga naman magkape sa tuwing sisipa ang malakas na buhos ng ulan at nakakatanggal ng lamig na natamo sa magdamag. Kahit Alas-nuebe na ng umaga, madilim pa rin ang papawirin at animoy papaumaga pa lamang. Matapos mag-almusal, heto muli ako't aligaga sa gawaing bahay. Maya-maya pa, muling nagsisigaw-sigaw si Mama, iniinda ang pagsakit ng ulo. Bukod sa ito'y dumadaing na halos umiyak na nga, nagpapadala na ito sa amin sa hospital. Sa Medical City sana namin siya balak para matutukan maging ang talipa nitong pag-iisip na di na hirap nang unawain, kaso tumanggi ito't gusto'y sa Commonwealth Hospital namin siya dalhin, ang kaso at batid namin na hindi sila basta-basta tumatanggap kung nakakaya pa naman ng pasyente ang mga nararanasan nito't di pa malala.

12D-R. Sa sobrang taranta namin pagkat di na malaman ang gagawin, napilitan nang tawagan sina Tita Cleo upang gamitin ang sasakyan ng Tito Lito patungo ng hospital. Patuloy na naging hysterical si Mama at nagpakita ng mga abnormalidad kaya abot-langit na ang aming pagkabahala. Kinalaunan ay nagbago bigla ang pasya ni Papa nang kumalma naman si Mama at di ko malaman, masyadong nagpapadala't laging nakadepende sa magiging mood ni Mama ang pasya ni Papa, hindi na lamang panindigan nang matapos na!  Nakakatamad nga naman kumilos ngayong maulang panahon, idagdag pa ang kinakaharap na problema kaya kahit wala pang tanghali, di ko na naiwasang humilata.

 Hanggang nakahiga't nagmumukmok, napapaisip kung saan patungo itong napagdadaanan namin at sa totoo lamang, napanghihina ng loob subalit kailangan lumaban at huwag hayaang sumuko. Nang maitanim ko sa isipan ang ganong pag-iisip, para bang sumigla ng bahagya ang aking pakiramdam, iniisip na di dapat tayo magpadala sa agos ng problema, bagkus kailangan gumawa ng paraan para makahanap ng solusyon at umasang malalampasan kahit sa tingin mo'y parang imposible na. Wala akong magawa't gawa na nababagot muli ng lagay, pagtitinda ang aking inatupag. Umiral nanaman ang antok sa mga mata kaya umidlip muna ako. Sa aking pag-idlip at kinukuha ang masarap na pagtulog, sa hindi inaasahan ay bigla na lamang ako sinipa ni Mama.

12D-S. Iba na talaga si Mama at bukod sa kakatwa ang mga kinikilos, nagagawa na nitong makapanakit nang wala namang dahilan o ginagawa sa kanya. Namayagpag ang yamot sa halip na pag-unawa kaya nagawa ko nang sigaw-sigawan at komprontahin si Mama. Sa inis ko, nagawa nang batuhin ng unan subalit lumayo na lamang ako't baka kung ano pa ang magawa sa kanya oras na tuluyan nang magdilim ang paningin at masaid ang pasensiya. Sa labas ng kwarto na lamang ko ipinagpatuloy ang pagtulog subalit di naman makatulog gawa na maingay sa labas kaya bumangon na lamang at nagtinda-tinda. Kinagabihan, tamang tutok at relax lamang ako sa panunuod ng telebisyon. Nang tamaan ng antok sa mga mata, saka naisipang matulog.    


June 11, 2018
Monday
Year VI-162

12D-T. Kahit tuluyan nang nakalabas ang bagyo sa bansa, nanatiling maulan pa rin ang panahon kaya sarap pa ring humilata ng lagay sa kama kaso kailangan ko nang bumagon pagkat may dapat pang asikasuhin. Pagkalamnan ng sikmurang magdamag na pipi, pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko. Ilang sandali pa, inutasan ako nina ate na bumili ng gamot. Saktong tumila na ang ulan at sumisilip na nga kahit papaano ang haring araw kaya malakas ang loob ko na bumili kahit sa mall pa kaso kung kailan palayag na ang yapak sa may Terminal, saka naman nagbabadyang bumuhos ang ulan hanggang sa umulan na nga. Sa lakas ng ulan at kahit may dalang payong, nanatili muna ako't nagpatila.

12D-U. Nang bahagyang humina ang ulan ay lumarga na ko patungong Ever Gotesco Mall kahit may kalakasan pa't umaanggi. Saktong hindi pa nagbubukas ang mall subalit bukas na ang Mercury Drugs kaya di na ko nagpatumpik-tumpik pa sa pagbili ng gamot. Wala pa kong balak umuwi kaya kumain muna ako't nagtungo na rin sa Simbahan upang magdasal. Kung kailan pauwi na ko, saka muling bumuhos ang napakalakas na ulan, kaya ang resulta'y mistulan nang basang sisiw pagkauwi. Naging maulan sa maghapon kaya walang ginawa kundi matulog at manood ng Telebisyon pagkat nakakatamad magkikilos-kilos kapag maulang panahon. Kinagabihan, muli kaming hinahaplos ng pagsubok pagkat muling sinasayad ang ilaw ng tahanan at kung ano-ano ang pinaggagawa. Sa totoo lamang, sawang-sawa na kaming pangaralan at tulungan ito kung wala naman siyang ginagaw para gumaling kaya hinayaan na lamang at ipinapasadiyos ang kanyang paggaling. 


June 12, 2018
Tuesday
(Independence Day)
Year VI-163

12D-V. Eksakto ika-120 anibesaryong paggunita sa araw ng kalayaan. Daang taon na nga ang nakakalipas magmula nang lumaya tayo sa mga mananakop na kastila na tatlong daang taon rin nagpahirap sa mga mamayang Pilipino subalit ang tanong, tunay na ba nating nakamtan ang kalayaan, ngayong namamayagpag sa balita ang patungkol sa panggigipit ng mga lintik ng Intsik sa mga mangingisda at kinukuhaan pa nila ng huli dahil lamang lumapag sila sa sakop nilang Scarborough Shoal na ang totoo'y sa atin naman ang bahurang iyon samantala ang pamahalaan, tila walang pakialam sa mga hinaing ng mga inagrabyadong mangingisda't lakas pa ng loob na sabihing maliit na bagay lamang iyon. Para sa kanila, maliit na bagay lamang iyon sapagkat di nila alam na malaki ang mawawala sa mga mangingisda't doon lamang nakasalalay ang kanilang ikinabubuhay.

12D-W. Sa pangyayaring iyon ay tila ipinapahiwatig na may bagong mananakop sa ating bansa at iyon ay mga Chinese subalit naniniwala ako na malabong maganap kung anuman ang nangyari nung panahon ng Kastila pagkat iba na ang mga Pinoy ngayon, mapupusok at palaban na, na kayang ibuwis ang buhay upang ipagtanggol ang bayan at mapalad na ang laki na nga ng pinagbago natin. Marahil hindi tayo makalaban-laban habang inaangkin ng mga Chinese ang mga kalapit isla sa West Philippine Sea subalit kapag buong teritoryo na ang inaangkin, hindi na siguro magdadalawang isip na lumaban, kahit hindi hamak na mas malalakas ang kanilang armas, tutulungan naman tayo ng mga tropang Amerikano at iba pang makapangyarihang bansa. Sana sa kada taon na dumaraan, may katuturan pa rin ang pagdiriwang ng araw ng kalayaan. Kahit nakalayas na sa bansa ang bagyo, nanatiling maulan ang panahon dulot ng Habagat kaya sarap pang matulog kahit umaga na.

12D-X. Pagkaalmusal ay pagtitinda ang inatupag ko. Naging madalang ang mga bumibili dala ng masungit na panahon kaya ang resulta, di na mapigilang mabagot at pinagmamasdan na lamang ang pagpatak ng ulan. Naging maulan sa maghapon at pagpatak ng gabi, kasabay ng masamang panahon ay sumama din ang loob ko kay Ate, paano kung makasigaw sa akin ay akala kung sino't sa yamot, di ko na napigilan pang pagtaasan siya ng boses. Hindi naman nauwi sa buhatan ng kamay kahit nagkakasagutan kami, paano may bitbit na bata't mabuti na lamang. Samantalang ang aming ina, tila tuluyan nang tinakasan ng bait pagkat kung ano-ano na ang lumalabas sa bibig na di namin maunawaan. Lingid sa aming kaalaman kung ano ang gagawin sa kanya kaya hinayaan na lamang ito hanggang sa huminahon. Gaya ng mga pag-ulan na di mo malaman kung kailan magwawakas ang problemang dumarating sa aming buhay.  


June 13, 2018
Wednesday
Year VI-164

12D-Y. Mailap pa rin ang sinag ng haring araw dahil nanatiling masungit ang panahon. Sa sarap ng pagtulog, mga dakong Alas-otso na nagising at napagpasyahang bumangon. Saktong umalis sina Mama kaya di muna ako nagtinda at inasikaso ang gawaing bahay. Katamad nga naman magkikilos-kilos kapag maulan ang panahon subalit kailangan labanan ang katamaran upang malayo ang mararating at maraming magagawa. Bandang tanghali nang dumating sina Mama at Papa bitbit ang mga pinamiling pagkain at pinagsalu-saluhan para sa pananghalian. Sa ilang araw na bumuhos ang ulan na walang ibang ginawa kundi lumamon at tulog, hindi kataka-takang tataba ako. Walang ginawa sa maghapon kundi magbantay sa tindahan at sa kabila na masungit ang panahon ang biglang pagbisita naman ni Tita Susan bitbit ang mga samu't saring pasalubong pagkat kagagaling lamang nito ng Batangas, kaya napalamon muli ng wala sa oras kahit halos sumabog na ang Sikmura sa kaumbukan. Lalo pang lumakas ang mga pag-ulan pagkagat ng dilim kaya ang resulta'y di muli mapigilang mangamba na baka bumaha kahit nagpapasarap ng tulog ang malamig na panahon.   


June 14, 2018
Thursday
Year VI-165

12D-Z. Bukod sa masungit pa rin ang lagay ng panahon ay hindi naging maganda ang gising pagkat ako'y sinisipon. Sa kabila na na sinisipon, ipinapagpatuloy ko pa rin ang mga dapat gawin pagkat hindi ko ibig na magsayang ng oras. Nang makapagwalis at punas sa loob ng bahay, buhay tindero muli ang aking lagay. Habang papasapit ang tanghali ang unti-unting pagbuti ng panahon at sa wakas ay sumilip na rin ang haring araw subalit habang pahapon naman ang pagsama pa lalo ng aking pakiramdam at pakiwaring magkakasakit. Kahit hindi kagandahan ang timpla, ipinagpatuloy ko ang pagtitinda. Para sumigla-sigla naman kahit papapano sa kabila na nagbabanta ang karamdaman, naisipan kong manuod ng comedy show habang walang bumibili. Nang hindi na makaya ang nararamdaman, napagpasyahan ko nang magpahinga. Hindi naman makapagpahinga ng maayos gawa na maingay sa bahay. Patuloy akong inaatake ng sipon hanggang sa pagkagat ng gabi't lalo pang lumubha ang nararanasang sama ng pakiramdam pagkat masakit-sakit na rin ang ulo. Kung kailan nalalapit na ang araw nang pagsisimula ng aming review para sa board exam, saka pa magkakasakit at dalanging huwag itong matuloy pagkat bukod sa dagdag gastos, dagdag din sa problema.  


June 15, 2018
Friday
Year VI-166

12E-A. Magdamag halos hindi makatulog dahil sa pananakit ng ulo dulot ng sipon. Mukhang sasamain talaga ako ngayon at nakakainis lamang dahil hindi pa tuluyang gumagaling si ina, sumasabay pa ko sa mga alalahanin. Dahil matamlay-tamlay ng lagay, kahit naghihiyaw-hiyaw si Mama dala ng mga nararanasan nito, hindi ko inalintana't nagpatuloy lang sa pagtulog. Nanatiling masakit ang ulo ko't sinisipon-sipon pa kaya ang resulta, buong umagang nakahilata sa kama, hindi magawang tulungan si ama sa mga dapat asikasuhin na kanina pa aligaga na halos hindi na magkandaugaga. Sa totoo lamang ay naaawa na ko kay Papa pagkat inaalala na nga nito kung paano maipapagamot si Mama, magkakasakit pa ko't naaninag ko sa kanyang mga mukha ang matinding pagkabalisa, tila pasan-pasan ang problemang nagkasunod-sunod at sabay.

12E-B. Pasalamat na lamang, matatag si Papa at kahit may edad na ito't pakiwaring anumang oras ay maari nang bumigay, sa awa ng Diyos ay hindi naman nagaganap kung anuman ang pinapangamba kahit ilang linggo nang kinakaharap ang problema. Naniniwala akong may dahilan kung bakit nararanasan naman ang ganitong pagsubok at kung anuman yun, umaasang may naghihintay na kaginhawaan. Pagpatak ng hapon at bukod sa masakit ang ulo't sinisipon, nagsimula na ring lagnatin at manghina. Mabuti na lamang, hindi pa nakakaalis ang Tita Susan kaya kahit todo aruga sila kay Baby Anya pagkat may pinuntahan ang ate, natutukan pa rin ako nina Papa at Mama, iyon nga lang ay hindi maialis sa kanila ang pag-aalala.

12E-C. Sa labis nilang pag-aalala pagkat inaapoy na ko ng lagnat, napagpasyahan na nilang isugod ako sa hospital, kaso'y di ako pumayag pagkat hinang-hina't walang kakayahang kumilos. Hindi ko naman ibig palalain ang sitwasyon at baka matigok kapag hindi naagapan kaya nabakli rin ang paninindigan ko. Dahil walang makakasama ang tita sa pag-aalaga sa sanggol, si Papa lamang ang nakasama ko patungong Hospital at kahit hinang-hina't nilalagnat pa'y pinilit pa ring tumindig at kumilos. Kaagad din kaming nakarating sa Commonwealth Medical Hospital at nilapatan ng Dextrose. Kung ano-ano pa ang ginawa sa akin habang nakaratay sa Emergency Room at mistulang nalalantang gulay ng lagay, kinuhaan ng dugo't ihi at kahit ninakawan ng lakas, pinilit pa ring tumindig para sumailalim sa X-ray machine. 

12E-D. Si Papa na dumamay sa akin, kitang-kita sa mukha ang pagkabahala't balisa at halos mapayuko na nga ito, ibig kong humingi ng pasensiya sa nagawang pang-aabala't konsumisyon sa kanya, kaso wala akong lakas. Hindi ko mawari kung ano muling sakit ang dumapo sa akin at marahil trangkaso lamang ito. Inabot na kami ng gabi sa Emergency Room bago makuha ang mga resulta't sinabing wala naman silang nakitang problema sa anumang specimen na kinuha sa akin kaya hindi na ini-admit pa't nang maresetahan ng sangkatutak na gamot, na-discharge din ako. Sa kabila na nalapatan ng Dextrose, nanatili pa ring lupaypay ang katawan dulot ng panghihina kaya diretso hilata ako sa kama pagkauwi namin. Sa sakit ng mga kasu-kasuan ko maging ulo, nahihirapan ako sa pagtulog. Maya't maya rin ang sugod ko sa banyo dala na nagsusuka. Tila wala na marahil ititindi itong nararanasan ko subalit lilipas at malalampasan din itong kalbaryong kinakaharap ko.  

June 16, 2018
Saturday
Year VI-167

12E-E. Ngayong araw ang pagsisimula ng aming review para sa board exam, kaso di naman makapasok-pasok gawa na masama pa rin ang pakiramdam at pabalik-balik ang lagnat. Dahil magdamag na halos hindi makatulog dulot ng trangkaso, may katamlayan akong nagising. Maigi na lamang at ayos-ayos si Mama at hindi sumpungin ngayong araw kaya panay pag-aaruga ang ginawa nito sa akin. Nabawas-bawasan naman ang pananakit ng mga kasu-kasuan ko subalit nanatili pa ring mahina't nilalagnat kaya buong umaga'y nakaratay lamang ako sa kama, ni wala ring ganang kumain subalit pinipilit ko pa rin para kahit paano'y lumakas-lakas. Ang sakit na aking kinakaharap ay pagsubok lamang iyon na ipinagkaloob ng Diyos at umaasang pagagalingin niya.

12E-F. Pagpatak ng tanghali, oras na para mananghalian subalit hindi makatayo-tayo o bangon man lang, kailangan pang pilitin nina Mama para kumain. Kahit kakapirambot pa lamang ang naisusubo, pakiwaring maduduwal na't madali akong umayaw, di gaya dati na tila wala nang bukas kung makabanat ng ulam. Nang makapagpananghalian kahit kakapirambot lamang ang nailagak sa Sikmura, mabilis pa sa guhit ng kidlat ang paghilata ko't maghapong kinikimkim ang panghihina. Kinagabihan, muli akong inaapoy ng lagnat at kahit balot na balot na ng makapal na kumot, ramdam ko pa rin ang pagkaginaw. Bumaba naman ang lagnat ko kinalaunan at kahit mababaw pa lamang ang gabi't nagniningning pa ang kaingayan sa labas, daglian ko nang kinukuha ang tulog. 


June 17, 2018
Sunday
(Father’s Day)
Year VI-168

12E-G. Dahil mahabagin ang ating Panginoon, hindi na ko nilagnat pa buong magdamag subalit patuloy pa ring sinisipon at nanghihina, ang resulta'y pahirapan sa akin ang bumangon at kailangang pilitin pa. Kahit na wala pa ring ganang kumain, pinilit ko pa rin para lumakas-lakas at galing na. Matapos mag-agahan ay iraratay nanaman ang sariling hanggang sa panahong ito'y balot pa rin ng karamdaman at nanlulupaypay dulot ng panghihina. Ngayong araw pa naman ipinagdiriwang ang Father's Day at si Papa na dapat sana'y nagpapahinga, abalang-abala sa ginagawa na halos hindi na nga magkandaugaga't siya na rin ang gumagampan ang mga gampanin ni ina pagkat gaya ko, nanghihina rin ito't sinusumpong nanaman. Sa halip na ibigay namin kay Papa ang kaligayahan at gawing makulay ang araw nito pagkat Father's Day, puro problema't pasakit lamang at nakakalungkot isipin na nagkaganon pa.

12E-H. Hindi ko akalain na magiging ganito ang aming sitwasyon, tila humaharap kami sa isang napakadilim na kweba na hanggang ngayon ay di pa rin masilayan ang liwanag. Bandang tanghali nang pinapunta nila ang manghihilot na si Ate Melon at ako'y isinailalim sa kung tawagin nila'y Suob, isang pamamaraan na ang taong may sakit ay pauupuin, babalutan ng kumot ang buong katawan at tanging mukha lamang nakalabas at lalanghapin ang usok mula sa pinagkuluan ng dahon ng bayabas sa kaldero para pagpawisan. Dahil unang beses pa lamang ako makakaranas niyon, nakaramdam ng takot, iniisip na baka mapaso ang buong mukha o matusta subalit nang simulan na, hindi naman kahit mainit at tiniis ko iyon.

12E-I. Maligo ako sa sariling pawis matapos ang Suob at sumunod ay hinilot naman ako ni Ate Melon. Anong sarap sa pakiramdam habang hinihilot-hilot niya subalit sa oras na nadidiina'y di mapigilang mapaaray sa sakit. Parang guminhawa kahit papaano ang pakiramdam ko matapos hilutin at isailalim sa Suob, bukod pa roon ay parang lumalakas-lakas na rin subalit pinili pa ring humiga. Kinahapunan at dahil Father's Day, nagpa-Pizza ang ate sa amin. Nanumbalik na ang pagiging magana ko sa pagkain subalit hindi naman malasahan pagkat hindi pa rin naibabalik ang panlasa, sayang at di ko ma-enjoy ang masarap na Shakey's Pizza. Gayunpaman ay naging masiba pa rin sa paglantak at sa dami, muntikan nanaman masuka. Dahil nagpapagaling, walang ginawa sa maghapon maging sa gabi kundi humilta sa kama at magpahinga.       


June 18, 2018
Monday

Year VI-169

12E-J. Nagnunumingning na ang sinag ng araw sa labas nang magmulat ang mga Mata. Saktong maayos-ayos na ang aking pakiramdam at hindi na rin nanghihina kaya kahit maaga pa'y bumangon na ko. Kahit hindi talaga biro ang aming pinagdaanan, nagpapasalamat pa rin ng lubos sa Diyos pagkat magaling na ko't may kakayahan na upang gampanan ang dapat asikasuhin sa buhay. Dahil masigla-sigla na ang pakiramdam, pagkaalmusal ay daglian ko nang sinimulan ang gawaing bahay. Pakiwaring hindi dumaan sa pagkakasakit pagkat ang sigla-sigla at makakayang gawin kahit mabibigat subalit doon muna ako sa simpleng gawain at baka mabinat, mahirap na't panibagong problema muli ang kakaharapin. Maya-maya at ang kaninang akong masigla, tila nanamlay muli. Sa takot na baka mabinat, tumigil na ko sa pagkikilos-kilos at nahiga. Inakala kong maayos-ayos na ang lagay subalit tila nagbabadya muli ang pagkakasakit.

12E-K. Saka lamang ako bumangon nang tanghalian na't balik muli sa pagiging masiba sa pagkain na tipong ganadong-ganado't wala nang bukas. Kinabukasan at dahil umalis ang ate upang puntahan ang kliyente nito, balot muli sa ingay ang buong tahanan dahil sa paghagulhol ni Baby Anya na akala'y aping-api. Tulong-tulong na nga sina Mama sa pagkarga sa bata subalit hindi ito matahan-tahan at nakakarindi ang pag-iyak nito, ang mahirap pa'y di ito mapadede pagkat hindi naman gumagamit ng ate ng Tsupon. Ayos lamang ang mag-anak, basta may asawa kang makakatuwang sa pag-aalaga ng bata kaso mag-isa lamang itinataguyod ng ate ang pangangailangan ng bata kaya ang hirap, naabala pa kami kapag iniiwan nito't Single Mom pa more kasi. Dahil walang humpay sa paghagulhol ang bata, humingi na ng tulong kina Ate Melon. Saka lamang ito huminahon nang maipadede sa kapatid ng Ate Melon at nakatulog. Kinagabihan at matapos ang ilang araw, ngayon lamang muli nakapagtinda-tinda matapos ang pagkakasakit. Bandang Alas-onse nang mapagpasyahang matulog.      


June 19, 2018
Tuesday
Year VI-170

12E-L. Magdamag na hindi makatulog sa hindi malamang dahilan subalit hindi naman sumasakit ang ulo. Kinamadaling araw, muling sinusumpong si Mama, marahil ay hindi nanaman makatulog at kung ano-ano ang pinaggagawa na hirap unawain at aakalain mo talagang nawawala sa sarili. Ungis nang ungis tapos ay pinagkukuha ang mga kumot upang ipulupot sa kanyang Leeg pagkat magbibigti na raw ito. Si Papa naman, walang ginawa kundi pigilan si Mama sa mga pinaggagawa nito. Nag-uumapaw na ang habag ko sa dibdib kay Papa pagkat maghapon na ngang subsob sa mga gawaing bahay, siya na rin ang nagluluto at nagpapalamon sa amin, tapos hindi pa makatulog dahil punta nang punta si Mama at nangungulit.

12E-M. Sa halip na tulungan ko si Papa para pigilan si Mama at pangaralan ay hinayaan ko na lamang pagkat inaantok pa't tiwalang hindi nito itutuloy ang balak. Huminahon naman si Mama kinalaunan at nahiga. Hanggang kailan kaya magiging ganito si Mama na nagbibigay pasakit sa amin dahil sa sakit nito at sa kabila na nauubusan na ng pasensiya, hindi pa rin mapigilang maawa sa kanya. Mga bandang Alas-siete nang mapagpasyahan kong bumangon at pagkaalmusal, nagrepaso ako para sa darating na Board Exam. Natutuwa ako pagkat madaling pumasok sa isipan ang mga inaaral at nagagawang i-analyze ang binabasa. Sa sobrang tutok ko sa pagsusunog-kilay, maipasa lamang ang Board Exam ay hindi namamalayang tanghaling tapat na pala, oras nanaman para lumamon.

12E-N. Kinahapunan, ipagpapatuloy ko sana ang pagrerepaso, kaso pinangunahan na ng tamad. Walang magawa kaya nagtinda-tinda na lamang ako't nilibang ang sarili sa Social Media. Sumapit na ang gabi, subalit hindi pa rin umuuwi sina Mama at Papa, kaya hindi na mapigilan ang mag-alala. Habang sarap buhay ako sa paghilata sa duyan ang pagdating nina Mama galing ospital bitbit ang pasalubong at kahit nakapaghapunan na'y sige pa rin sa pagbanat at lantak. Hindi pa dinadapuan ng antok sa mga mata kaya tamang pakikinig lamang ng musika ang pampalipas oras ko. Bukod sa nakaka-relate ka sa mensaheng hatid ng liriko ng kanta, parang binubura nito kung anuman ang mga hindi magagandang bagay na nakatanim sa isipan at nakakagaan ng kalooban. Kaya kapag may problema o mabigat pinagdaraanan, idaan na lamang sa Soundtrip.    


June 20, 2018
Wednesday
Year VI-171

12E-O. Sa awa ng Diyos na sadyang dakila at mahabagin ay nakuha na rin sa wakas ang tulog matapos ang isang buong gabi. Kung nakatulog man ako, sana nakatulog na rin si Mama nang sa ganon ay magwakas na ang paghihirap nito't maging paghihirap namin na dulot niya. Nakatulog din naman ito, kaso nga lang ay hindi natural na tulog pagkat uminom ito ng gamot. Gayunpaman ay maigi na ring nakatulog siya pagkat hindi ito magiging sumpungin at dadaing-daing ng pananakit ng ulo. Bandang umaga nang ako'y magising at pagkaalmusal ay pagrerepaso kaagad ang inatupag ko. Hindi tulad kahapon ay hindi pumapasok sa isipan ang mga inaaral, idagdag pa ang kaingayan mula sa labas kaya hirap makapag-concentrate. Sa kabila na nahihirapang isuksok sa isipan ang inaaral, nagpatuloy pa rin pagkat determinadong makapasa't makamtan kung ano ang pinapangarap sa buhay. Pagpatak ng tanghali, nang mapagpasyahang itigil muna ang pagsusunog-kilay para kumain. Mga bandang hapon nang ipagpatuloy ko ang pagrerepaso.

12E-P. Maya-maya pa, biglang dumilim ang kalangitan, nagbabadya nanaman pala pumatak ang pag-ulan. Nakaramdam ako ng takot nang makarinig ng mga pagkulog kaya tumigil muna ako't nagtago. Hindi naman kalakasan ang ulan subalit sa tagal, saktong pahingalo na ang liwanag nang tumila ito. Kakagaling ko lamang sa sakit subalit may isa nanaman sa kasamahan namin ang tinamaan ng karamdaman. Mukhang umiikot ang sakit sa pamilya namin na kahit anumang ingat, basta nasa loob ng bahay ay magkakasakit ka pa rin, problema nanaman ito na kailangang sulusyunan. Sa gitna ng mga dumaraan na problema, tuloy pa rin ang buhay at panatilihing masaya, kahit mababanaag na sa mukha ang pagkabalisa. Matapos magtinda't dahil hindi pa makatulog, heto nanaman at lilibangin ang sarili sa pagsa-soundtrip para antukin.   


June 21, 2018
Thursday
Year VI-172

12E-Q. Sa muling pagmulat ng mga mata ay hindi kagandahang umaga muli ang sumambulat pagkat muling sinusumpong si Mama at kaninang madaling araw pa nagdadaing-daing na sumasakit ang ulo't nanghihina, sa kadahilanang hindi pa rin ito nakakatulog, na matagal na niyang pinoproblema. Wala muling ginawa si Papa kundi pangaralan si Mama't pigilan sa mga abnormalidad na gawain nito. Mataas-taas na ang sinag ng araw sa labas kaya bumangon na ko't tinulungan si Papa sa pagpapahinahon kay Mama. Ilang sandali pa't ang kaninang si Mama na naghihiyaw-hiyaw at padyak, biglang nagtungo sa sala't pinaghihiga't hilera ang mga upuan. Wala akong masabi nang panahong iyon habang siya'y pinagmamasdan kundi nababaliw na pagkat ibang-iba na talaga ang kinikilos nito. Bukod sa pinaghihiga nito ang mga upuan, paulit-ulit din niyang pinagkakatok ang kwarto ng ate.

12E-R. Batid kong natutulog pa sina Ate't pinapangamba ang anak nito na baka magligalig ulit oras na magising kaya walang ginawa kundi pigilan si Mama. Patuloy na pinagkakatok ni Mama ang pintuan lalo na kapag hindi ito nababantayan hanggang sa lumabas na ang ate na kita sa mukha ang pagkabanas bukod sa bagong gising at walang ano-ano nang pinaggugulpi si Mama dulot na rin ng yamot. Dahil maging ako'y nauubusan na ng pasensiya sa mga kinikilos ni Mama, hindi magawang awatin ang ate sa pananakit na ginagawa nito kay Mama. Itinigil naman kaagad ng ate ang pananakit kay Mama subalit nang ulitin ni Mama ang pangangatok at nanggugulo pa sa kanila, manlaki nang husto ang mata sa gulat nang biglang sapakin ni ate si Mama sa Mata. Sa lakas ng pagkakasapak, nagkaroon na ng Black Eye si Mama, swerteng hindi naman ito nabulag.

12E-S. Hindi talaga ako makapaniwala na magagawa iyon ni ate at kay Mama pa mismo. Matatanggap ko pa kung kalmus-kalmusin ni Ate si Mama o itulak-tulak palayo dahil may dahilan ito, pero yung bigla nitong sasapakin si Mama at sa mata pa, sumusobra na marahil iyon at hindi na tama kaya ayaw ko man madagdagan pa ang gulo, lakas-loob na kinompronta ang ate't nakapagbitaw ng hindi magagandang salita sa kanya. Iba talaga ang pakiramdam kapag mahal mo ang 'yong magulang, handa kang makipag-away sa mga taong handang umapi sa kanila, kahit kadugo o kapatid mo pa. Hindi mo na iisipin pa kung ano ang maaaring kahinatnan, basta maipagtanggol mo ang 'yong magulang. Sa nangyari sa akin, hindi ko lang mawari kung bakit mas pinili ko pa ang magulang kaysa sa kapatid.

12E-T. Dahil sa hindi magandang salitang nabitawan ko kay Ate dala ng galit, nauwi na sa sagutan at palitan ng maanghang na salita, sapakin ba naman si Mama at hindi nito masisisi kung ganon ang maging ang reaksyon ko dahil natural lamang iyon. Sobrang gulo na ng sitwasyon na kinakaharap namin pagkat nagkakaaway-away na't sa totoo lamang, hindi ko dapat sinabihan ng ganon si ate. Labis kong ikinalulungkot ang mga pangyayari't nakakasugat sa loob kaya di na napigilan pang umiyak. Huminahon naman si Mama kinalaunan at nagkahingian naman kami ng ate ng kapatawaran sa mga nabitawang mabibigat na salita sa isa't isa. Inakala naming magtutuloy-tuloy na ang pagiging matino ni Mama subalit nagkakamali pagkat muli itong nawawala sa sariling katinuan, mas malala pa kumpara kanina at bukod sa nagsisigaw-sigaw at hilata sa sahig, nanunura na rin ito sa amin.

12E-U. Napapaisip na kung dapat na ba itong dalhin sa Mental Hospital pagkat tila lumalala na siya. Sa sobrang taranta namin, pinuntahan na sina Aling Tisay para humingi ng tulong at magtawag ng Ambulansya subalit sinabi nilang kailangan isa muna sa amin ang mag-complain sa Barangay bago umaksyon. Mukhang malabo nang tulungan kami ng Barangay kaya tiniis na lamang ang kinakaharap na sitwasyon. Maya-maya pa, dumating si Ate Julie at pinangaralan si Mama. Maging sa kanya'y hindi nagawang pahinahunin si Mama't punta pa ito nang punta sa kwarto ng ate at nanggugulo, sa lakas nito't nagpupumiglas pa kapag pinipigilan, tulong-tulong na kami. Halos maubusan na kami ng lakas habang pinipigilan si Mama samantalang ang ate, nahagulhol na pagkat stress na nga ito sa pag-aalaga ng bata, ginugulo pa sila ni Mama. Napapaisip na tuloy kami kung kailangan na ba itong igapos nang matigil matigil sa kanyang kahibangan.

12E-V. Nang huminahon kahit papaano si Mama, saka lamang nagkaroon ng pagkakataong kumain at magpahinga. Ibang klase na talaga ang nangyayari kay Mama at masyado niya kaming pinahihirapan. Kinahapunan nang dumating naman ang aming bisita na si Ate Bulehn at pinagsalu-saluhan ang dala nitong pagkain. Dahil kapwa sariwa pa sa isipan kung ano ang mga naganap kanina, iyon lamang ang naging laman ng usapan habang kausap si Ate Bulehn. Hinintay pang tumila ang ulan bago ito umalis at habang tutok kami sa panunuod ng Telebisyon ang pagdali muli ni Mama at nagawa pang umupo sa istante ng Telebisyon. Walang ibang maramdaman kundi pagkayamot pagkat nakakabastos at napakawalang modo ng kanyang ginawa subalit sa halip na patulan, inunawa na lamang ito. Maging sa gabi'y patuloy pa ring sinusumpong si Mama at hindi na talaga malaman ang gagawin sa kanya. Magdamag marahil kaming hindi makakatulog nito dahil bukod sa isa-isa kaming ginugulo ni Mama sa pagtulog, nag-aalala rin sa nangyayari kanya't maaari nitong gawin.            


June 22, 2018
Friday
Year VI-173

12E-W. Kinamadaling araw ng Alas-dos nang mabasag ang masarap na pagtulog dahil sa pagsigaw ni Papa. Inakala kong nanggugulo nanaman si Mama kina ate kaya walang balak bumangon pero nang puntahan ng ate at gisingin, maloka ako nang sabihin nitong tatalon na raw si Mama sa Sapa. Kahit mugtong-mugto pa ang mata sa kaantukan ay napatayo na ko bigla nang sabihin iyon at dali-dali nang tumungo kung nasaan naroroon sina Papa. Nadatnan ko kung paano nila pigilan si Mama sa pagtalon sa Sapa at kahit katulong na ng Papa si Tita Susan sa pag-awat, patuloy pa rin itong nagpupumilit na tumalon na sa Sapa. Sa sobrang pagkataranta't napapasigaw na dulot ng pagpapanik, hindi na nag-atubili pang humingi ng tulong sa mga kapit-bahay kahit batid na tulog pa ang karamihan sa kanila. May nagpunta namang kapit-bahay kasama na rin ang aming Purok at sumama sa pagpigil kay Mama sa balak nito. Mabuti na lamang, nakita agad ni Papa kaya napigilan ang tangkang pagpapakamatay ni Mama at walang ibang maramdaman kundi pagkagulat at taranta nang mga oras na iyon.

12E-X. Nagpatuloy sa pagpupumiglas si Mama kahit tulong-tulong na kami sa pag-awat sa kanya, nakakaalarma ang mga pangyayaring dumarating. Dahil sa pagwawala ni Mama, darating na sa puntong muntikan na namin itong igapos na subalit hindi na natuloy pa pagkat huminahon naman ito. Nang mawaring humuhupa na ang sitwasyon, saka lamang bumalik sa pagtulog. May araw na sa labas nang ako'y magising at sa kabila na may nangyaring labis na ikinagulat ng kalooban, maayos-ayos naman si Mama at hindi ito nakahilata sa kama na nagsisigaw-sigaw. Sa katunayan ay nakakapaglaba pa nga ito't nagagawang tulungan si Papa sa mga gawain, malayong-malayo sa kahapon na kung saan nawawala na halos sa katinuan at hindi na kami magkandaugaga.

12E-Y. Hindi ko lang alam kung magtutuloy-tuloy na ba ang ipinapakita ni Mama at may kutob na marahil ay napipilitan lamang itong kumilos kahit may nararamdaman na hindi lang nito masabi sa amin. Sa kabila ng mga ipinapakita ni Mama, di pa rin kumbinsidong magaling na nga ito. Dahil walang magawa ngayong umaga, pagtitinda ang inatupag ko. Kinahapunan at dahil may pasok bukas para sa Board Exam Review, paglalagay ng Plastic Cover sa bawat Review Booklet ang aking pinagkaabalahan, bumili ng mga kakailanganin. Kinagabihan, tamang relax lamang sa panunuod ng Telebisyon. Pasalamat naman sa Diyos pagkat nakamtan din ang kapayapaan sa bahay at hindi na pasumpong-sumpong pa si Mama kaya napanatag ang aking pagtulog. Napanatag man ang kalooban, kinakabahan pa rin para bukas sa aking pagpasok at sino-sino nanaman kaya ang magiging bagong kaklase't Professor, nawa'y kayanin ng loob ang makisalamuha sa kanila at sa pangarap na aking tatahakin.        


June 23, 2018
Saturday
Year VI-174

12E-Z. Kinamadaling araw muli nang ako'y magising dahil sa pangyayaring labis na ikagigimbal ng kalooban at manlaki nang husto ang mata sa gulat nang makitang nakapulupot na ang kumot sa may leeg ni Mama't nakalambitin na sa Kisame. Nagbigte na ito sabi ni Papa't hangga't humihinga pa si Mama ay tulong-tulong kami sa pagkalas ng kumot na nakapulot sa leeg nito. Sa sobrang taranta muli namin, nabulabog muli ang mga kapit-bahay sa paghingi ng tulong at dali-dali naman silang nagsipagtungo. Nang maibaba si Mama mula sa pagkakagapos nito sa kisame, nakitang may sugat na ito sa Leeg, nangangahulugang matagal na itong nakabigte subalit humihinga pa naman kahit na walang malay. Si Ate naman, mapahagulhol na sa sobrang pag-aalala't taranta maging ako na bagong gising pa lamang ay muntikan nang dumaloy ang luha, labis na hindi makapaniwala sa pangyayari.

12F-A. Sumidhi pa lalo ang pag-aalala nang sabihin ni Aling Edith na tumigas na raw ang Sikmura ni Mama, hudyat na unti-unti na itong nawawalan ng hangin sa katawan kaya nagpapanik na kami sa pagtatawag ng Ambulansya. Habang kapit-bisig na nilang isinasalba si Mama, naglalaro na sa isipan ang tanong na "Dumating na ba ang araw ng katapusan ni Mama?" at dahil ayaw pa namin talaga ito mawala, gumawa na ng paraan. Balot na balot na ng tensyon ang buong bahay at bukod sa natataranta na nag-aalala, hindi na rin mapigilang mayamot pagkat ang tagal dumating ng Ambulansya, mauubusan na na ng hangin si Mama kaya ang Purok namin, daglian na itong nilapatan ng CPR. Bukod sa nauubusan ng hininga'y sinabi naman ng Purok na sumasara na ang kanyang bibig at mapakapit na ng husto pagkat naghihingalo na si Mama.

12F-B. Minuto ang lumipas nang sa wakas ay dumating na ang Amblunsya't pumasok ang mga Medic upang bigyan ng paunang lunas si Mama. Nakahinga naman kami ng maluwag nang maibalik ang paghinga ni Mama at tulong-tulong na itong isinakay. Kahit hindi pa sumisikat ang araw, madami nang nakikiusyoso't mistulang may nagaganap na Shooting sa bahay namin dulot ng pangyayaring nakakagimbal talaga ng loob. Wrong timing nga lang at kung kailan ito na ang araw upang magsimula sa pagrerepaso, nangyari pa ang ganito. Hindi sana papasok pagkat para bang nagtu-trauma ng lagay, pinilit ko lang kahit nahihirapan pagkat sayang naman ang ipinangbayad. Bandang Alas-siete nang makatungtong sa RGO Review Center sa loob ng Diliman Preparatory College at saktong marami-rami nang mga estudyante ang naroroon subalit hindi pa naman punuan at may mauupuan pa.

12F-C. Hindi lamang maiwasang mailang pagkat walang makitang kakilala subalit natanggal nang kalaunan ay dumating ang ilan sa mga kamag-aral ko't hindi akalaing marami-rami pala kaming magsisipagrepaso na galing sa OLFU. Ilang sandali pa nang magsimula ang review session na pinangunahan ni Sir Campos. Theories of Personality ang unang subject na itinuro niya sa amin at di mapigilang ngumanga pagkat karamihan na posibleng lumabas sa exam, di pa naituturo sa amin habang nasa kolehiyo pa't baguhan lamang sa kaalaman. Ang kaninang ako na ganadong-ganado't may determinasyon sa pakikinig, biglang lumumbay nang mapunta ang usapan patungkol sa kamatayan at di mapigilang sumagi sa isipan ang ginawa ni Mama. Hirap nga naman ang mag-aral kapag may pinagdadaanan ka subalit kailangan labanan ang nararamdaman, kahit gaanoman man kahirap. Nagpatuloy pa rin ako sa pagrerepaso kahit may dinaramdam at pinilit na hindi magpaapekto. Lalo pang humirap ang pag-aaral nang napadako na ang kanyang pagtuturo sa Psychological Assessment at bukod sa mapapabuka nang husto ang bibig, mapapakamot pa ng ulo dulot ng labis na pangangamote, paano puro Code of Ethics ang possible na coverage ng Exam at kailangan gamay na gamay mo talaga ultimo kailaliman ng batas.

12F-D. Hinaluan pa ng Statistics na napakakumplikado kaya sasakit talaga ang bungo mo sa kaka-analyze. Mahirap man na tipong ikakabaliw na kapag inunawa't analyze, kailangan ng tiyaga para makuha ang gusto, ang makapasa sa darating na Board Exam. Sa hirap ng Subject, nawalan na ng ganang makinig at gusto'y matulog na lamang pagkat hirap itanim sa isipan ang tinuturo't inaantok lamang ako. Bandang Alas-kwatro na ng hapon natapos ang Review Session at minamalas lamang ng lagay pagkat umuulan, hindi pa naman nakapagdala ng payong. Saktong hindi naman kalakasan kaya sinuong pa rin kahit maaari muling magkasakit. Pagkauwi at dahil kami-kami lamang ang nasa loob ng bahay at oras na rin ng hapunan, pagluluto ng hapunan ang pinagkaabalahan. Kinagabihan at para malibang-libang kahit papaano ang isip at ma-relax ang katawan, tamang panunuod lamang ng Telebisyon. May pasok pa kinabukasan kaya maaga akong natulog.           


June 24, 2018
Sunday
Year VI-175

12F-E. Sumapit na ang panibagong araw subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin limot ng isipan ang patungkol sa naganap kahapon na ikinagimbal ng labis ng kalooban. Hindi ako makapaniwala na hahantong sa ganoon subalit dapat pa rin magpasalamat pagkat naagapan agad. Araw ng Linggo at ito sana ang araw upang magpahinga o gawin ang lahat ng naisin, gaya ng maglibang, mamasyal subalit hindi maaari pagkat may pasok ako. Nakakapanibago lamang pagkat sa tuwing darating ang Weekend ay kailangan pumasok para lang sa Review. Katamad pang bumangon dala na namamayani pa rin ang antok sa mga mata subalit kailangan nang awatin ang sarili't baka mahuli sa pagpasok at mawalan ng mauupuan. Saktong hindi pa nagsisimula ang Review Session pagkatungtong ko sa Diliman College kaya lumabas muna't nagpaganda.

12F-F. Eksakto Alas-otso nang magsimula ang Review na pinangunahan muli ni Sir Campos at Abnormal Psychology ang subject na nirepaso namin. Dahil relate na relate ang karamihan sa amin, todo pakinig kami't daming halak pagkat nilalahukan ng katatawanan at panay hugot pa ang aming professor kaya sa halip na sumakit ang ulo sa kakaanalisa't unawa ng bawat terminolohiyang lumalabas, nagiging makwela ang buong klase. Gaya ng kahapon, karamihan sa posibleng lumabas sa Board exam ay hindi pa naituturo sa amin at tila walang natutuhan nang dumaan ang College life kaya kailangan talaga ng dibdibang pagsusunog-kilay para makapasa't goodluck sa sakit ng ulong kakaharapin. Dahil bibisitahin ko pa si Mama na naka-confine sa Philippine General Hospital, nang Lunch Break ay naging pagkakataon para umalis kahit may natitira pa kaming isang subject. Pagkatungtong sa Ermita, Manila at sa halip na dumeretso, dala ng gutom ay nananghalian muna. Dahil maraming dalang kwarta, sa Jolibee ko na naisipang kumain.

12F-G. Pagkalamon ay ipinihit ko na ang yapak patungong PGH. Dahil unang beses lamang makaapak sa ganong ospital, halos maligaw ako habang papatungo kung nasaan naka-confine si Mama. Maalinsangan ang panahon at dala na hinahapo na sa paglalakad, naupo muna ako. Habang nakaupo ang biglang pagdating ni Ate Julie at magkasabay nang tumungo sa Psychiatric Ward. Alas-dos pa lamang at dahil bandang Alas-singko pa magsisimula ang oras ng pagdalaw, hindi kami pinayagan ng gwardiya na pumasok dalawa at kailangan isa lang sa amin. Nakiusap kami para parehong makapasok subalit sa huli, si Ate Julie lamang ang nakapasok at kailangan ko munang hintayin ang paglabas nito. Habang nag-aantay ang paglabad ni Tita Susan. May pagkakataon na sanang makapasok subalit sadyang mahigpit ang Gwardiya't kakayamot siya.

12F-H. Sa tiyaga ko, tatlong oras din ang pinalipas bago tuluyang makapasok at nang masilayan si Mama ay manlupaypay ang kalooban dulot ng pagkahabag pagkat kitang-kitang nanghihina ito, punong-puno ng pasa't galos at halata pa rin ang black eye sa mata. Mistulang nalalantang gulay at sabog na sabog ang histsura ni Mama habang ito'y pinagmamasdan at nagsisimula nanaman dumaloy ang luha sa mga mata pagkat walang ibang maramdaman kundi awa. Sa sobrang awa ko, daglian na itong niyakap at kinamusta. Di rin ito makausap ng maayos dulot na nanghihina't nagdidiliryo pa ang mga mata. Hindi ko mawari kung paano nagkaganon si Mama't kaawa-awa talaga siya! Bukod kay Mama, may kasama rin itong mga pasyenteng kung iyong pagmamasdan ay hindi gaya sa atin na pangkaraniwan ang kinikilos pagkat may bigla-bigla na lamang nasigaw at nagkakanta-kanta, yung ilan ay nagwawala pa.

12F-I. Napapaisip kung paano kaya makakatulog si Mama o ayos lamang ba ito sa maghapon pagkat ako pa lamang ay nai-stress na't di marahil magagawang makomportable. Ilang sandali pa't dahil gustong-gusto na ni Mama umuwi, pinag-iisipan na namin kung dapat na ba itong iuwi hanggang sa dumating ang Nurse at sinabing kailangan pa siyang obserbahan at gamutin, sa huli ay napagpasyahang sa ospital muna siya't gaano pa kaya katagal bago namin siya makasama ulit. Madilim-dilim na't ibig pa sanang magtagal sa ospital o matulog na roon magdamag para makasama't bantayan si Mama subalit kailangan nang umuwi. Habang nasa biyahe, marindi-rindi ako pagkat napakadaldal ni Ate Julie, di rin ako sang-ayon sa mga sinasabi nito sa amin na kaya nagkakaganyan si Mama at nag-aaway sila ni ate ay sa dahilang may dalawang duwende kaming kasama, puti at itim.

12F-J. Laking gulat ko pa nang sabihin nitong maging si Ate ay sinasaniban na rin ng ispirito kaya nagagawang saktan si Mama, mga sabi-sabing walang basehan at napakaimposible. Hindi ko alam kung dapat ko ba siyang paniwalaan basta sa ngayon, nahihirapan akong maniwala't magtiwala sa kanya. Kung makapagsalita pa, akala'y alam na lahat ng pangyayari, samantalang mali-mali naman siya. Likas kay Ate Julie ang makipagkapwa't matulungin, iyon ang gusto ko subalit ang ayaw ko sa kanya ay masyado itong nanghihimasok. Dahil natrapik, bandang Alas-nuebe nang makauwi kami ng Tita sa bahay at kaagad nang naghapunan. Sa panahon na puro problema ang kinakaharap, kailangan talaga ng pananalig sa maykapal at patatagin ang loob. Matagal man problema subalit umaasa pa ring magwawakas din ito.             


June 25, 2018
Monday
Year VI-176

12F-K. Pasan-pasan man ang krus ng kalbaryo, hindi naman hinayaan ng maykapal na mag-alala ng lubos sa magdamag kaya maayos pa ring nakatulog. Pagkabangon at agahan, pagtitinda ang inatupag ko. Walang gasinong bumibili kaya naging pagkakataon iyon para makapagrepaso. Nakakainis, hindi pumapasok sa utak ang inaaral at nahihirapang unawain at mag-analisa subalit gayunpaman, kailangan maging determinado para makamit ang pangarap, ang makapasa't maging ganap na Psychometrician o Counselor. Kahit sumasakit na ang ulo sa kakaunawa, sige pa rin sa pag-aaral at walang aayaw. Naniniwala ako na ang pagiging matalino't maabilidad ay hindi basehan para makapasa kundi idaan sa sipag at tiyaga at samahan na rin ng pananalig sa Diyos. Hindi man ako kasing talino't galing ng iba't pakiwaring mapurol pa ang utak, hindi iyon ang dahilan para umayaw at sumuko pagkat kahit sino sa atin, pwede rin maging gaya nila basta magsumikap lamang.

12F-L. Huwag isiping wala nang mararating dahil mahina ka pagkat kung sino pa ang mahihina, sila ang madalas na nagtatagumpay sa huli. Sa sobrang tutok ko sa pagrerepaso, hindi napansing tanghaling tapat na pala. Itinigil ko muna ang pagrerepaso para mananghalian. Kinahapunan at dahil pinaniniwalaang may mga ispiritong gumagala-gala sa bahay namin na sila ang dahilan kung bakit tila nawawala sa sarili si Mama at madalas silang mag-away ng ate, pinapunta nila si Ate Melon para magpasuob. Halos di na makahinga pagkat balot sa usok ng Insenso ang aming bahay. Bukod pa roon, sinabi ni Ate Melon na kailangan bukas lahat ng ilaw sa bahay at nakabukas ang radyo sa magdamag kahit mahina para hindi na tumambay pa ang mga ispirito.

12F-M. Sa ginagawa ni Ate Melon, natatawa na lamang ako't napapaisip kung maging siya'y dapat rin ba paniwalaan at pagkatiwalaan pagkat dati, sinunod namin ang orasyon niya, pero di naman gumagaling si Mama, bagkus ay tila lumala pa nga, kaya nahihirapan na kong ipanatag ang kalooban sa mga pinaggagawa nito. Basta malalim ang pananampalataya mo sa Diyos at lagi mo siyang inuuna sa lahat ng bagay, hindi na kailangan pang pausukan ang buong bahay at buksan ang lahat ng ilaw para lumayas ang mga masasamang ispirito dahil naniniwala ako na gaanoman sila makapangyarihan at kalakas, mas higit pa rin ang Diyos at wala silang panama. Kung totoo mang may ispiritong gumagambala sa amin, Diyos na ang bahala sa kanila't naniniwala akong hindi niya kami pababayaan. Dahil nahihirapan akong sumang-ayon sa pinaggagawa nila, muntikan ko nang komprontahin ang Tita Susan nang akmang papatayin ang ilaw. Paano naman kasi makakatulog kung nakabukas ang ilaw. Basta nagdadasal ka lang, hindi ka lalapitan ng ispirito na yan kahit nakapatay pa ang ilaw. Hindi ko mawari kung bakit may mga bagay na dapat paniwalaan, ginagawa ka lamang Sira-ulo. Basta para sa akin, sa presensiya lamang ng Diyos naniniwala't dapat magtiwala. 



June 26, 2018
Tuesday
Year VI-177

12F-N.Tinanghali nanaman sa paggising. Pagkaalmusal, pagrerepaso agad ang inatupag. Medyo nahihirapan pa rin itanim sa isipan ang inaaral pagkat ang lalalim ng kahulugan at kailangan inuunawa talaga't sinasapuso pa. Grabe at ganito na ba kapurol ang utak kaya hirap na hirap. Naantala ang pagrerepaso ko nang utusan ng ate na maglinis sa bakuran. Mas ibig ko pang mag-aral kaysa magwalis kaso marami nang dahon ang pakalat-kalat at nakakarumi nang tingnan kaya labag man sa kalooban ay winalisan ko na. Sa dami ng dahong nagsipaglaglagan at kalat, abutin halos ng isang oras bago tuluyan malinisan ang bakuran. Sumunod ay gawaing bahay ang inatupag ko. Balak sanang ipagpatuloy ang pagsusunog-kilay matapos ang gawaing bahay, kaso tinamaan na ng katamaran, ganito talaga ako kapag may bagay na sinimulan pero naantala, nahihirapan nang ipagpatuloy.

12F-O. Kailangan tuloy-tuloy hanggang sa matapos. Bandang tanghali nang sipagin na ko sa pag-aaral. Habang tutok na tutok sa pag-aaral ang pagdagundong ng takot sa dibdib nang makarinig ng pagkulog. Uulan nanaman pala't dahil umaatake ang takot, nawalan na ko sa konsentrasyon, napagpasyahang itigi muna ang pagrerepaso. Patuloy na umiiral ang takot habang bumabayo ang unos at pagpawisan na halos. Habang kumukulog-kidlat ang pagdating naman ni Papa galing ospital, namamayani man ang takot ay nilabanan ko iyon para lang mapagbuksan ito. Ang hirap nga naman ng kalagayan kapag may bagay kang kinakatakutan o Phobia.

12F-P. Gawa na maulan ang panahon sa maghapon, nawalan na ng ganang mag-aral at gusto'y nakahiga na lamang. Kay sarap nga naman matulog kapag maulan ang panahon. Kinahapunan nang muling magsuob si Ate Melon kaya ang buong bahay, balot muli sa nakakasulasok na usok dulot ng Insenso't nakakayamot pagkat kung ano-ano talaga ang pinapagawa sa amin. Sa kagustuhang gumaling si Mama at lumayas ang mga ispiritong gumagambala sa amin, sige lamang sa pagsunod kahit nagmumukha nang sira't ang hirap paniwalaan ang mga bagay na sa palagay mo'y hindi nag-e-exist. Kinagabihan, balik muli ako sa pagsusunog-kilay at pagtitinda na rin. Dakong Alas-dyis nang mapagpasyahan ng isip na matulog.   


June 27, 2018
Wednesday
Year VI-178

12F-Q. Malapit nang sumikat ang araw ako nagising at bumangon. Pagkaalmusal at dahil marami pang dapat asikasuhin sa bahay pagkat parehong wala sina Mama at Papa, nagwalis-walis ako't hugas na rin ng plato nang magawa naman at maipakita ang silbi. Dahil may pinapakuha pa ang ate sa Commonwealth General Hospital para magawan na ng Birth Certificate si Baby Anya, pagpatak ng Alas-nuebe ay naghanda-handa't bihis na ko. Pagkarating ng ospital ay kaagad nang tumungo sa Medical Records. Walang kahirap-hirap at kaagad din naman na-claim ang mga ipinapakuha. Alas-onse na pala't gawa na natatakam na ang Sikmura dulot ng gutom, sa SM Fairview ko na naisipang kumain. Habang mag-isang palakad-lakad, biglang sumagi sa isipan ang mga ala-alang kasama ang mga kaklase. Kay bilis nga naman ng panahon pagkat parang kailan lamang ay magkakasama kaming gumagala't bili ng pagkain sa SM nung nasa Kolehiyo pa lamang, ngayong nakapagtapos na'y may kanya-kanya nang tinatahak na kapalaran sa buhay at nakaka-miss ang maging buhay estudyante.

12F-R. Bukod pa roon at kahit walang gaanong dalang pera, napipilitan pa rin kumain sa Food Court para lamang magkaroon ng pakikisama. Kahit may kanya-kanya nang buhay, sana dumating pa ang pagkakataong magkatagpo muli kami. Matapos kumain, tumungo pa ko ng School para kuhain ang Transcript of Record for Board Exam Purposes. Pagkatungtong at wala pang isang buwan ang nakakalipas, may pagbabago nanaman sa Campus pagkat marami nang Canteen at Shop ang nakatayo. Kung kailan nakapagtapos na't nilisan ang paaralan ay saka pa ito gumaganda, tila sarap tuloy mag-aral ulit. Pagkapihit ng yapak sa Register Office, manlaki ang mata sa gulat pagkat ang haba ng pila. Mabuti na lamang at naroroon ang mga dating kamag-aral na hindi pa nakakapagtapos kaya hindi naman nababagot sa paghihintay.

12F-S. Sa bagal ng usad ng pila dahil sa sistema nilang bulok, umabot ng halos dalawang oras bago makaharap ang Evaluator. Personal Copy lamang ng TOR ang ibinigay sa akin sa halip na para sa PRC ng Board Exam pagkat kailangan ko para humingi ng Permission sa aming head na si Sir Ronan. Kainis at kailangan pa itong hagilapin. May pagkabalasubas pa naman ang professor na iyon kaya nangangamba ako na baka ano muli ang ipagawang bagay na hindi maiibigan bago makuha ang kailangan. Kung anuman ang iniisip ko'y hindi sana mangyari iyon at maging madaling makuha ang permission nito. Kahit yung tipong hindi ka na nila estudyante sa OLFU, hawak ka pa rin nila sa Leeg dahil may kailangan ka pa't Goodluck talaga sa akin.

12F-T. Pagkakuha'y kaagad nang tumungo sa Faculty at minamalas lamang ng lagay pagkat wala roon si Sir Ronan. Wala pa rin talaga pagbabago at kahit kailan, ang hirap niyang hagilapin. Mukha wala nang mapapala pa kaya napagpasyahan nang umuwi. Bandang Alas-kwatro na nakarating ng bahay at pagtitiklop ng mga damit ang inasikaso. Saka lamang nagkaroon ng panahong makapagsunog-kilay nang gabi na't matapos lahat ng dapat gawin. Sasakit nanaman ulit ang ulo sa mga sangkatutak na terminolohiyang bago lamang sa paningin na kailangan kabisaduhin at unawain ang nilalaman nito. Ngayon ko talaga napagtatanto na hindi ganon kadali ang makapasa't kailangan pinagsusumikapan ng husto. Batid kong hindi biro ang darating na Board Exam, basta may pananalig at pagkukumahog, I can do it, I can make it and will top on the Board Exam and be the number one!     


June 28, 2018
Thursday
Year VI-179

12F-U. Ganap nang sumakop ang liwanag nang magising ang Diyosa mula sa mahimbing nitong pagkakatulog at rangya ng napaginipan. Anong kasiglahan muli ang napasaakin kaya ganadong-ganadong gawin kahit mabibigat pa. Matapos mag-almusal at gaya ng mga nakalipas na araw, nagsunog-kilay muli ako't bantay sa tindahan. Kainis lamang pagkat nahihirapan pa rin itatak sa isipan ang inaaral at nasakit lamang ang bungo. Gayunpaman ay walang dahilan para umayaw pagkat naniniwala akong kakayanin ito't may tiwalang maipapasa ang darating na Board Exam. Saktong manaka-naka lamang ang bumibili kaya tuloy-tuloy lang sa pagrerepaso hanggang sa sumapit ang tanghali. Yumayanig na ang Sikmura sa gutom kaya itinigil muna ang pag-aaral at dagliang lumantak ng pananghalian. Matapos mananghalian at gawa na sumasakop ang antok sa mga mata, beauty rest muna ang lola niyo. Nang magising, tuloy ako sa pagrerepaso't tinda. Anong hirap nga naman ang mag-aral lalo na kapag hindi pumapasok sa isipan, dahil nawalan na ng gana, nanuod na lamang ng telebisyon. Kinagabihan at gawa na hindi naman makalabas-labas pagkat may gampanin sa bahay, balik muli sa pagtitinda. Hinintay ko munang pumayapa ang kapaligiran at lumalim ang gabi bago maisipang matulog. 

June 29, 2018 
Friday
Year VI-180

12F-V. Hindi naging maganda ang dating ng umaga pagkat sinisipon muli ng lagay. Sinisipon man pagkat sipon lang naman, hindi nito napigilan ang mga balakin ko. Pagkaalmusal, sinimulan ko na ang mga dapat gawin sa bahay. Dahil may lakad ngayong araw, pagpatak ng Alas-nuebe, handa't bihis na ako. Bago tumungo ng School para kuhain ang Transcript of Record for Board Exam Purposes, dumaan muna ng Commonwealth General Hospital upang isauli ang maling resibong naibigay nila sa akin pagkat nung isang araw pa kami ginagambala sa kanilang pagtawag. Medyo nayayamot ako pagkat abala kaya hindi na napigilan ang sariling pagsabihan ang Cashier. Pagkabigay ay kaagad nang tumungo sa School. Pagkatungo ng Faculty, saktong naroroon si Sir Ronan. Bukod sa akin ay may magpapasa rin ng Letter of Permission kaya sumabay na ko sa kanila para iwas hiya-hiya sa paglapit kay Sir.

12F-W. Sadyang napakarami nitong alam at arte pa pagkat bago nito pirmahan ang aming Letter, pinagsulat niya pa kami sa kanya-kanyang mga Letter ng "Nangangako po akong makakapasa sa Board Exam ang magiging Topnotcher". Natawa na lamang sa pinapagawa't sa kagustuhang makuha ang apprival nito'y kumagat kami. Dahil trip pa rin ako ni Sir Ronan sa kabila na nakapagtapos na, muntikan na nitong hindi pirmahan ang letter at kung ano-ano ang pinagsasabi sa akin, napakaraming dama! Mabuti na lamang, di niya kami pinagawa ng kahalayan at nang makapagpapirma'y diretso tungo na sa Registrar Office. Kung kailan naroroon na, saka pa papaalis ang aking Evaluator, bwisit at kailangan pa maghintay ng isang oras pagkat lunch break nito. Sa kabila ng paghihintay na mukhang matatagalan ay hindi naman nainip pagkat may kakwentuhan at kasama rin ang ilang kamag-aral sa pagkuha ng TOR.

12F-X. Sumapit na ang Alas-dose, oras na sinabing babalik ang Evaluator subalit wala pa rin ito kaya di na mapigilang mainip at mag-init ang ulo pagkat masyadong paasa. Malapit nang pumatak ang Ala-una nang papasukin ng Guard sa Registrar Office at pagkapasa ng Letter, daglian na akong binigyan ng TOR. Biglang napakahalakhak ang mga Evaluator nang mabasa ang Letter ko, paano'y doon nakasulat ang pinapasulat ni Sir Ronan at mistulang payaso sa kanilang harapan. Sa halip na umuwi, naisipan ko pang bisitahin si Mama sa Ospital. Anong trapik habang nasa biyahe kaya ang resulta, abutin ng tatlong oras bago makatungtong sa Philippine General Hospital.

12F-Y. Nakaramdam ako ng gutom sa layo ng biniyahe kaya kumain muna. Dahil bandang Alas-singko pa ang oras ng pagdalaw at Alas-tres pa lamang ng mga oras na 'yon, todo ingat ako sa paglalakad papasok ng Psychiatric Ward para hindi mahuli ng masungit na gwardiya. May pinagbago sa hitsura ni Mama pagkat hindi ito gaya ng nakaraan na bukod sa maraming pasa-pasa sa katawan at may Black eye pa'y mistulang nanlalatang gulay, ngayon ay hindi na halata't para tumataba na ito subalit wala pa ring pagbabago sa nararamdaman nito pagkat nahihilo't sumasakit ang ulo tuwing umaga, dala na hindi pa rin makatulog. Hindi muling mapigilan ang pagdaloy ng luha sa mga mata nang malaman kung ano ang kalagayan ni Mama pagkat gaya pa rin ng dati nung nasa bahay ito't hindi mawari kung kailan ito makakalabas ng ospital.

12F-Z. Habang naroroon ay walang ginawa kundi mangamusta. Maya-maya at dahil kailangan magpahinga ni Mama at nababagot ng lagay, naisipan munang lumabas at mamasyal-masyal. Sa aking pamamasyal sa loob ng Ospital, iba't ibang karamdaman ang matutunghayan at ilan, parang nasa bingit na ng kamatayan pagkat malulubha na't pinapasakan na rin ng tubo kahit saang parte ng katawan. Kung ako magtatrabaho doon, baka wala pang isang linggo'y magkasakit na, lalo na't lapitin pa ng sakit at mahina ang resitensya. Kaagad din ako bumalik sa Psychiatric Ward at biglang may lumapit sa akin na isang ale. May itatanong lamang ito sa akin subalit nauwi na sa kwentuhan pagkat bukod kay Mama, naka-confine din sa ward ang pinsan nito.

12G-A. Muling namayagpag ang habag sa dibdib nang malaman ang mga kinasapitan nito, dahilan kung bakit nasa ganon siyang kalagayan at napakasalimuot, marahil kung sino man ang makaranas niyon ay mababaliw din. May iba pa kaming pinag-usapan ng hindi nagpakilalang ale at natutuwa dahil nakakatulong kahit paano sa kanila gamit ang mga natutuhan bilang Psychology at malayang naibabahagi. Dahil napasarap ang usapan, hindi namamalayang Alas-siete na't kailangan ko nang magpaalam kina Mama. Naging pahirapan sa akin ang pag-uwi pagkat wala halos masakyan, karamihan pang patungo sa amin ay punuan, hirap nga naman ng kalagayan kapag inabutan ng Rush Hour at kailangan matiyaga't madiskarte. Natagalan pa bago tuluyang makasakay at matinding trapik naman kakaharapin na tipong dinaig pa ang pagong kaya ang resulta, pagodang nakaalpas ng bahay at daglian nang natulog pagkabihis.
              

June 30, 2018 
Saturday
Year VI-181

12G-B. Kay bilis nga naman ng panahon, hindi mo namamalayang huling araw na pala para sa buwang ito. Dahil may pasok ngayong araw kahit weekend, maaga akong nagising at bumangon. Saktong hindi pa nagsisimula ang review session pagkatungtong ng Diliman College kaya ang resulta, balot na balot sa kaingayan ang buong Auditorium, hindi tuloy makapag-aral ng maayos, mga wala marahil balak magsipag-aral para pumasa. Wala sa tabi ang mga kakilala ko kaya sa halip na samantalahin ang oras na makipagpalitan ng kuro-kuro, mas piniling magbasa na lamang kahit maingay. Bandang Alas-otso nang magsimula ang review session na pinanguhan ng bago naming Instructor na si Ma'am Hazel. Industrial Psychology ang subject na tinalakay niya sa amin at hindi tulad sa naunang Instructor na walang ginawa kundi maghugot lines, may mas matutuhan kami sa kanya pagkat malakas ang boses, malinaw ang bawat paliwanag at straight to point, yung nga lang napasobra ang lakas ng boses nito kaya ang ilan sa amin, hindi maiwasang marindi't sakit sa teynga ang gamit nitong microphone, ang bilis pa magsalita, parang akala mo'y may lakad, nakakawindang!

12G-C. Nganga pa rin ng lagay pagkat karamihan sa mga itinuturo niya, baguhan lamang sa kaalaman at nakakakabahala ang darating na Board Exam para sa Industrial Psychology. Matapos ang napakahaba't daming lecture, nagkaroon kami ng Mock Test. Habang sumasailalim sa pagsusulit, halos mangamote pagkat ang hirap at puro situational pa ang mga items. Kahit mahirap na tipong ikasasakit talaga ng bungo't natutukso nang manghula, naging seryoso pa rin ako sa pagsagot sa kagustuhang makapasa kahit mababa't di maging topnotcher. Nang kalagitnaan na, nawalan na ng ganang sumagot pagkat hinihikab na ng lagay dulot ng antok subalit hindi pa rin umayaw hanggang sa matapos. Pumalit ang kaba ang kaninang si ako na inaantok nang Rationalization na ng Mock Test at todo pakinig, sa kagustuhang makalikom ng karagdagang kaalaman, sa kabila na sumasakit na ang teynga sa tinis at lakas ng boses na taglay ni Ma'am Hazel at tila hindi napapagod magsalita kahit maghapon pa. Sa tuwing tumutumpak ang sagot, humihiyaw sa tuwa ang dibdib at halos mapatalon na rin subalit napapayukod na parang namatayan sa tuwing nagkakamali.

12G-D. Bukod sa kaba, tumataas din ang tensyon sa dibdib kaya nawawalan na ng konsentrasyon. Makaaraan ang tatlong oras na rationalization at discussion, nagkaroon muna kami recreational activity at iyon ay sayawin ang Charlie Bear. Di mapigilan ang halakhakan habang sinasayaw yun at kahit ilang ulit man magkamali sa paggaya ng steps, masaya naman at naaaliw kaming lahat. Parang nagising ang kaninang natutulog na katawang lupa dulot ng pagkabagot matapos naming sumayaw at di pa nagtatapos ang katuwaan pagkat may pinakanta pa si Ma'am. Para natigil ang mundo nang may isang estudyante ang nag-volunteer at bukod sa kumanta'y nagpakwela pa ito sa amin kaya ang buong Auditorium, halos mayanig na dulot ng tawanan at kabagan halos ang Sikmura. Ang saya ng review dahil sa mga paandar ni Ma'am Hazel at panalo! Back to review kami matapos ang mga katuwaan.

12G-E. Bandang Alas-kwatro nang matapos ang Rationalization at Discussion ng Mock Board Exam. Hindi ko mapigilang madismaya sa naging resulta pagkat isang puntos na lamang ang kailangan, pasado na't kakainis. Karamihan sa mga naging Topnotcher, puro galing sa mga bigating School gaya ng UST at UP. Masyado pang maaga kaya sa halip na umuwi na, tumungo muna ng Computer Shop. Saktong kumagat na ang gabi nang makauwi ako. Dahil may test drill pang kailangang sagutan, kahit mugto na ang mata dulot ng pagod ay iyon ang inasikaso't bawat tanong na madaanan, talagang inaalisa sa kagustuhang makarami ng tumpak na sagot at makapasa na. Sa panahon na nahaharap ako sa seryosong bagay gaya ng Board Exam na kailangang paghandaan, huwag hayaang pairalin ang salitang pagsuko, laban lang ng laban hangga't may pag-asa!