May
01, 2018
Tuesday
(Labor Day)
Year VI-121
Tuesday
(Labor Day)
Year VI-121
11X-L.
Dumako nanaman pala
tayo sa buwan ng Mayo, hudyat na nalalapit na ang aking Birthday at
madadagdagan nanaman pala ang aking edad na parang kailan lamang ay tumungtong
sa edad na bente uno, ngayon ay magbe-bente dos na, tumatanda nap ala ako.
Pagkamulat ng mga mata ay kakaibang sigla muli ang nararanasan at tila
nakangiti sa akin ang kakasikat pa lamang na araw. Pagkalamnan ng Sikmurang
magdamag na walang laman at dahil nababagot muli ng lagay, tamang online lamang
sa mga Social Media kahit kaaga-aga pa. Ilang sandali pa at dahil tutungo muli
kami ng ate sa kanyang Condo doon sa Bonifacio Global City upang
kuhain ang mga natitira pa niyang gamit, naghanda-handa na kami. Pagkarating sa
mismo nitong Condo, kaagad nang sinimulan ang pag-iimpake ng mga gamit. May
karamihan pa kaya mukhang hindi madadala lahat pauwi’t kailangan pa bumalik sa
pangatlong pagkakataon.
11X-M.
Sa totoo lamang ay
nayayamot na ko sa ate ko, paano’y hindi inuunti-unti ang pag-uuwi ng mga gamit
nung panahong hindi pa ito buntis o di kaya’y maliit pa ang kanyang
pagbubuntis, tapos ngayon ay ora-oradang iuuwi kaya pahirapan at nakakapagod,
abala rin sa akin. Naiinis man subalit walang ginawa kundi pahabain ang
pasensiya at unawain ang ate pagkat di pa ito pwede magbuhat ng mabibigat sa
kadahilanang malalim pa ang kanyang sugat sa pwerta dulot ng panganganak. Nang
maiimpake lahat ng iuuwi, iniwan muna namin ang mga ito sa Condo para
mananghalian. Habang patungo kung saan kami manananghalian, minalas lamang ng
lagay pagkat naabutan ng lagay, hindi pa nakapagdala ng payong.
11X-N. Kahit nababasa ng ulan ay hindi naman
sumasakop ang pangamba sa dibdib na magkakasakit, bagkus ay gagaling pa kung
anuman ang karamdamang tinataglay pagkat napatakan na tinatawag nila Agua
de Mayo na kung saan pinaniniwalaang nakagagaling ang unang ulan sa
Mayo. Sa Jolibee namin naisipang kumain kasama ang roommate ng
ate at habang hinihintay namin ang order, biglang tumawag si Mama at
ikinabalisa namin ang ibinalita nito pagkat di raw nila mapatahan sa pag-iyak
si Baby Anya. Lalo pa kaming na-stress nang sabihing napapaiyak na
si Papa at nagkakaproblema na sa bahay. Sa aming nabatid ang nagpaalis ng gana
sa pagkain gaano pa man ito kasarap subalit dala na gumuguhit na ang gutom sa
Sikmura’y di pa rin napigilang kumain ng marami.
11X-O. Matapos kumain, hindi na kami
nagpatumpik-tumpik pang bumalik sa Condo. Kaba ang namamayani sa dibdib habang
papalapit ang yapak sa sariling tahanan at nawa’y walang problemang madadatnan.
Pagkauwi, medyo maayos-ayos naman ang sitwasyon kaya wala nang dahilan pa upang
mag-alala ng husto. Sa pagod dulot na napakalayo ng biniyahe, kaagad akong
nagpahinga. Kinagabihan, muli kaming binibisita ng problema pagkat si Mama na
akala namin ay tuloy-tuloy na ang kanyang paggaling matapos matauhan sa mga
payo ng kanyang kaanak, nagkakamali pagkat muli itong sinusumpong at ang
nakakagimbal pa, sinabi nitong ibig na niyang magpakatiwakal. Napapaagos na ang
luha sa mga mata nang marinig namin ang balak ni Mama at walang ibang ginawa
kundi payuhan ito’t iparamdam na kailangan pa namin siya. Sobrang naawa na ko
kay Mama pagkat sa aking pakiwari’y tila lumalala na ang kanyang sakit.
11X-P. Sa kabila niyon na tila lumalala na’t
naiisipan nang magpakamatay, nanatili pa rin ang pag-asang gagaling ito ng
tuluyan at hindi niya kami iiwan dahil lamang sa sumuko ito gaya na hindi namin
pagsuko’t iwan sa kanya. Nakuha naman ito sa mga pangaral namin at nahimasmasan
kahit papaano. Ang kaninang akong banayad ang pakiramdam, parang sinindihang
posporo pagkat na-offend sa ginawa ni Mama, paano’y hindi nakikinig habang
kinakausap at kung ano-ano ang iniintindi. Sa yamot, hindi ko na napigilan pang
magpamalas ng langitngit sa kabila ng kondisyon ni Mama at nag-walk out.
Marahil ay di ko talaga kayang kontrolin ang emosyon at iyon ang matagal ko
nang pinoproblema. Batid kong mali ang aking ipinakita’t nagsisisi sa
nagawa.
May
02, 2018
Wednesday
Year VI-122
Wednesday
Year VI-122
11X-Q. May kinakaharap man suliranin ngayong araw,
nanatili pa ring maginhawa ang aking paggising, marahil ay hindi hinahayaan ng
Diyos na magdusa ang damdamin sa problema. Si Mama na kagabing tila nawawala sa
sarili dulot ng depresyon at ibig nang magpakatiwakal, nanatiling ganoon ang
kanyang moda. Sa totoo lamang ay awang-awa na ko kay Mama pagkat sa nakikita ko’y
nahihirapan na ito sa kanyang nararanasan at kung may alam lamang na ibang
paraan upang mapawi ang bigat na dala-dala ni Mama, ginawa ko na. Tila desidido
na ang Mama na magpakamatay kaya ang ate, di na mapigilan ang umiyak habang
pinagsasabihan si Mama. Wala kaming ibang ginawa kundi pigilan si Mama sa
kanyang balak at kumbinsihin. Ang ilaw ng tahanan na dapat sana’y magbibigay
liwanag sa bahay, aandap-andap at iyon ang kinakaharap namin. Maging ako’y
muntikan nang mapaiyak pagkat hindi na biro ang sitwasyon subalit nagpakatatag
ako’t pinigilang umagos ang luha sa mga mata.
11X-R. Kinalaunan, nahimasmasan naman si Mama at
bumalik sa dating ayos ang kanyang ipinapakita at naging abala sa gawaing bahay
subalit hindi pa rin kumbinsidong magaling na nga ito’t baka sumpungin, kung
hindi man mamaya ay bukas. Nang mawaring umaayos na ang sitwasyon, saka lamang
naisipang magtinda. Kinahapunan at dahil nakakabagot ang manatili sa bahay,
naisipan kong magtungo ng Novaliches upang sumama kay Tita
Susan sa Therapy. Hindi lamang ako kaagad makaalis pagkat hindi
pinayagan nina Mama at ate, nakiusap ako sa kanila. Mukhang buo na talaga ang
kanilang loob na ako’y pagbawalan kaya ang kaninang masinsinang pag-uusap
habang nagpapaalam, nauwi na sa pagtatalo. Sa kabila na pinagbabawalan nila
akong lumayas kung pumayag naman si Papa, itinuloy ko pa rin ang aking naisin.
Bahala na’t nawa’y walang mangyaring masama sa bahay habang ako’y wala. Habang
nasa biyahe’y halos ikatusta ko na ang alinsangan ng panahon na tipong malapugon
kaya pagkatungtong ng Sangandaan, nagpalamig muna ako sa SM
Hypermarket at doon na rin nagmeryenda.
11X-S. Bandang Alas-tres nang makarating ako kung
saan namamasukan ang Tita Susan doon sa Talipapa.
Wala kaming ginawa kundi magkwentuhan kasama na rin ang mga katrabaho nito’t
nakakalibang. Pagpatak ng Alas-kwatro y medya nang magpaalam kami sa kanyang
mga katrabaho’t daglian nang tumungo sa Ceragem Therapy Center.
Nagkaroon muna ng Seminar bago kami ilagak sa machine at tumagal iyon ng
kalahating oras. Nakakawala nga lang making pagkat maalinsangan sa loob at
panay sa pamumunga ng pawis ang aking katawan, lalo nang ilagak na ang katawan
sa Machine. Kung ako tatanungin, mas gusto ko pa ang WAKI Therapy kumpara
sa Ceragem pagkat pwede ka doon mag-aircon o gumamit ng
bentilador kapag doon at hindi ka pa pagpapawisan habang sumasailalim sa
Therapy, bukod pa roon ay flat ang machine na kung tawagin ay Electric Pad at
hindi masakit sa pwet. Hindi gaya sa Ceragem na dahil may
nakausli sa Pad na kung saan doon nanggaling ang init, masakit at nakakangawit
sa likod kapag humiga ka, lalo na kapag matagal.
11X-T. Bukod sa masakit ay para kang napapaso. Hindi
ko nga lang nagustuhan ang approach ng isang Therapist pagkat
masyado itong touchy habang kami’y binibigyan nito ng Tip at nangyayakap at
akbay pa, akala mo’y close kayo. Sa kabila na ganoon ang paraan ng kanyang
pakikitungo, nakitungo pa rin ako ng maayos sa kanya pero sa totoo lamang ay
nayayamot ako’t ayaw ng ganong klaseng tao. Dahil may pinuntahan pa kami
ng Tita Susan, bandang Alas-siete nang makatungtong sa bahay
ng Tita Cleo. Saktong naghahapunan na ang mga pinsan ko nang aming
datnan at dala ng gutom, nakisalo na sa kanila. Maya-maya pa’y dumating na ang Tito
Lito, sa laki ng kanyang pangangatawan at kakakitaang tila may pagkabangag
kung kumilos, nakaramdam ako ng kaunting takot subalit naibsan nang kausapin
nito.
11X-U. Nakakatuwa lamang dahil parang dinaig pa nito
ang mga magulang kung pangaralan niya ko’t panay din ang bato nito ng papuri sa
akin kaya hindi ko alam kung ano ang dapat maramdaman, kung matutuwa ba o
mahihiya. Sa buong oras na bagot ang halos lahat sa amin, siya lamang ang
nakakwentuhan ko’t sumasakay na lamang sa tuwing humihirit ito pagkat halatang
marami na itong nainom kaya kung ano-ano ang sinasabi. Dahil kasing lalim na ng
balon ang gabi, sa kanila ko na napagpasyahang matulog kahit may kasikipan ang
bahay at pahirapan ang maghanap ng mahihigaan. Di lamang makatulog ng maayos pagkat
bukod na nasa sahig, hindi komportable ang aking lagay at hirap makaunat dahil
nakahambalang ang mga kagamitan, ang haba din kasi ng aking
kalis.
May
03, 2018
Thursday
Year VI-123
Thursday
Year VI-123
11X-V. Nagising na lamang ako dahil sa pagungulit
ng Tita Susan, umaga na pala’t maliwanag na rin sa labas. Patuloy
pang namamayani ang antok sa mga mata’t lahat sa mga pinsan ko, himbing pa sa
pagtulog kaya umidlip muna ako. Dakong Alas-sais nang mapagpasyahan kong
bumangon at mag-almusal. Nang makapag-almusal at makitang kanina pa bihis
ang Tita Susan para sa pagpasok nito, hindi na
nagpatumpik-tumpik pa upang maghanda. Wala pa talaga akong balak na umuwi't
ibig pang gumawi sa dati naming mga kapit-bahay na sina Aling Iming upang
mga mangamusta maging sa mga dating kalaro't kaibigan doon sa Sangandaan,
kaso baka kung ano nanaman ang nangyari sa bahay kaya kailangan kong makauwi
kaagad. Habang binabagtas ang kahabaan ng Quirino Highway at
pagkadaan sa SM Hypermarket, bigla akong hinarang ng
gwardiya at sinabing hindi pa sila nagpapadaan hangga't hindi pa nagbubukas ang
Grocery.
11X-W. Nang una'y pumayag ako't hindi na nakipagtalo
pa subalit nang makita ko na may pinadaan itong isang babae, hindi na napigilan
pa ang dibdib na manggigil at bumalik. Bakit kasi yung babae, hinayaan lamang
nitong dumaan samantalang ako, nagawa pang harangan. Ayaw ko pa naman sa lahat
ng tao'y ipapamukha na wala akong karapatan kaya nanggagalaiti sa yamot ang
dibdib. Sa totoo lamang ay nainsulto ako sa ginawa ng Gwardiya at sa yamot,
tahasan akong bumalik at nagdire-diretso sa paglalakad hanggang sa tumakbo na
nga kahit hinaharang na ng Gwardiya at Janitor subalit pagdating sa dulo,
hinarang ako ng isa pang gwardiya. Ibinulalas ko lahat ng hinanakit sa ginawa
ng kasamahan nitong gwardiya at nang mapaliwanagan, nagsisisi sa nagawa pagkat
ang babaeng pinadaan nito, empleyado pala ng grocery.
11X-X. Hindi pala dapat ako nagpadalos-dalos at
habang hinaharang ay nakiusap ako na kung pwede'y padaanin na, tutal ay malapit
na ako sa Exit Point subalit nagmatigas ito at mga wala silang konsiderasyon!
Hihingi sana ako ng tawad sa aking nagawa pagkat batid na nagkamali subalit
dahil sa yamot, nasigawan ko pa ang gwardiya habang naglalakad pabalik.
Nakakainis lamang pagkat kailangan ko pang umikot, makarating lang sa Terminal
ng Jeep, paano iyon na nga lang ang Shortcut at malapit-lapit, pinagbawalan
pa't hassle ang paglalakad. Bago umuwi, dumaan muna ako sa Saint Peter
Church at nagdasal. Pagkauwi ng bahay at dahil sa pagod dulot ng
mahabang biyahe't nakasagupa pa ang gwardiya, diretso pahinga ako.
11X-Y. Pasalamat ako sa maykapal pagkat wala
naman nangyaring di kanais-nais subalit kung kailan pahapon na, si Mama ay
muling sinusumpong at nagsisigaw-sigaw, wala kaming ginawa na mga anak nito
kundi pangaralan at pigilan ang kanyang balak na magpakamatay. Hindi na talaga
biro ang nangyayari kay Mama at kailangan na itong tutukan para hindi matuloy
ang kanyang balak. Upang mabawasan kahit papaano ang bigat na dinaranas ni ina
at makatulog na rin, minasamasahe ko ito. Kahit minasamasahe ko na't kinantahan
na nga, wala pa ring epekto't nanatiling hindi makatulog, ni hindi rin
kumakalma. Nang makitang umaayos-ayos na si Mama, saka ko itinigil ang
pagmamasahe. Walang magawa't gawa na nababagot, tinatamad din ng lagay, nag-Siyesta muna
ako.
11X-Z. Sa lalim at sarap ng tulog at nanaginip pa
nga, naghihingalo na ang liwanag nang magising at diretso agad sa panonood ng
Telebisyon. Kinagabihan, heto muli ako't aligaga sa pagtitinda. Lumalalim na
ang gabi subalit ang kapaligiran, balot pa rin sa kaingayan dulot ng mga
nagsusugal. Alas-dyis na pala't kailangan na ring magsara't ihimlay ang sarili
sa kama subalit hindi naman makatulog gawa na maingay at nagsisigawan pa. Sa
totoo lamang ay nayayamot na ko't wala silang pasintabi sa mga magsisipagtulog
na. Tapos kapag natalo, iisiping dinadaya kaya nagsisilang ng away, mga tao talaga
rito sa amin, walang ibang inatupag sa buhay kundi magpakalulong sa masamang
bisyo gaya ng alak, sugal at sigarilyo.
May 04, 2018
Friday
Year VI-124
11Y-A. Ang dapat sanang umagang napakadalisay at
kasing rikit ng prinsesang natutulog gaya ko sa aking paggising, kasalungat
gaya ng isang bagay na karimarimarim ang hitsura pagkat muling sinusumpong ang
aming ilaw ng tahanan. Ang nakakagulat pa at dahil sa kagustuhan na nitong
magpakamatay, kinuha na niya ang blade, maglalaslas na raw ito subalit tahasang
binawi ni Papa. Mabuti na lamang at napigilan ni Ama, kundi'y wala sa oras
naming paglalamayan si ina subalit naghihiga naman ito sa sahig,
nagpapadyak-padyak at ngumingisi pa nga, tila nawawala nga sa sarili. Sa
puntong iyon ay natataranta na kami't hindi na alam ang gagawin kaya
napasyahang tawagan ang Psychiatrist nito. Ako rin na sa
sobrang taranta't hilong talilong na, napilitan nang makipag-ugnayan kay Ma'am
Joyce, nagbabakasakaling may maitutulong ito kahit batid kong makakaabala
sa kanya. Sinabi naman ng Psychiatrist na dalhin na namin ito
sa Medical Center upang magpa-checkup, ayaw naman ito't nagmamatigas.
11Y-B. Sa totoo lamang ay nahihirapan na talaga
kami't nauubusan na ng pasensiya. Ang ate nga, nagawa nang sipain si Mama
habang ito'y nakahilata sa sahig pagkat nauupos na ang pasensiya at di ko siya
subalit mali ang kanyang ginawa kaya kinompronta ko ito. Kumalma naman kahit
paano si Mama subalit kung ano-ano ang lumalabas sa kanyang bibig kaya di pa
rin kumbinsidong bumabalik na ito sa katinuan at nasa isip pa rin ang
pagpapakamatay. Sa puntong iyon ay mistulan muli kaming mga Guidance
Counselor sa kanyang harapan at magandang pagkakataon na rin ang
nangayayari kay Mama pagkat parang sinasanay na ang sarili sa pagiging
Counselor subalit hindi ako natutuwa. Pinagsasabihan nga namin si Mama subalit
tila walang nangyayari't paikot-ikot na lamang kaya panay ang udyok na magtungo
na sa Medical Center, pero nagmamatigas talaga ito't mato-trauma raw. Sadyang
napakatigas ng ulo ni Mama't tila hindi tinitulungan ang sariling gumaling.
11Y-C. Labis ko nang ikinadidismaya ang mga
kinakaharap namin kaya sa halip na makipagsabayan kay Ate upang gisingin ang
isipan ni Mama, humiga na lamang ako pagkat nawawalan na ng gana. Mukhang
tumatagal ang kinakaharap naming problema na tipong buwan na ang binibilang at
tumitindi pa nga habang lumilipas ang mga araw subalit kailanngang manatiling
malakas pagkat baka lalo pang lumala kapag nagpasakop sa kalungkutan. Habang
tumatagal ay unti-unti namang bumabalik sa katinuan si Mama't nakakausap na ng
maayos kaya iniurong na ang desisyong dalhin namin ito sa Medical Center. Dahil
medyo wala sa mood ang aking pakiramdam, walang ginawa sa maghapon kundi
humilata ng husay sa kama. Kinahapunan at dahil ngayong araw na ang simula ng
campaign period para sa nalalapit na Barangay at SK
Election, naging maingay ang kapaligiran dahil sa kaliwa't kanang
pangangampanya ng iba't ibang kumakandidato sa pagiging kagawan. Hangad ko lang
na maging malinis ang darating na halalan sa susunod na Linggo at maluklok ang
taong may mabuting puso.
11Y-D. Pagpatak ng gabi, heto muli ako't buhay
tindera. Dahil may naglalamay na malapit sa amin, numero unong mabenta ang
Sigarilyo at Alak at ganoon naman parati, tila walang kasawa-sawa ang mga tao
dito sa amin sa kakalaklak-buga, kahit araw-araw pa. Tapos nandadamay pa ng mga
kapwang hindi naman lulong sa Sigarilyo pagkat walang pakundungan kung
humithit, nakakapanggigil ang ganong klaseng tao. Gawa na nababagot ng lagay at
para sumigla-sigla naman ang gabi ko, naisipang manuod ng Comedy Show. Grabe at
halos sumakit ang sinapupunang malaki sa kakahalakhak at tila di na sisikatan
pa ng araw. Nang mapansing kasing lalim na ng balon ang gabi, napagpaayahan ko
nang matulog.
May 05, 2018
Saturday
Year VI-125
11Y-E. Nagniningning na ang liwanag sa labas nang
dumilat ang aking mga mata at ang umagang kasing tingkad ng kulay ng krayola sa
aliwalas nitong mga nakalipas na araw, kasalungat ngayong araw na makulimlim at
tila nahihiyang magpakita ang haring araw at nagbabadya pa ngang bumuhos ang
ulan. Matapos mag-almusal, heto muli ako't buhay tindera ng lagay. Halos
magdadalawang oras nang nakaupo't nakatingin na nga sa kawalan habang
nagbabantay sa tindahan subalit wala pang ni isang bumibili, nakakawalang gana
na tuloy at upang di lamunin ng pakabagot at ganahan, naisipan kong
magpatugtog. Naging makulimlim ang panahon hanggang sa tumungtong ng tanghali
kaya di mapigilang malungkot kahit di ko mawari ang dahilan, paano't sa dilim
ng kalangitan ay tila nagluluksa ito.
11Y-F. Marahil ay may ipinapahiwatig ang kalagayan ng
panahon subalit di literal na unos ang darating, gayunpaman ay kailangang
paghandaan. May iba talaga sa pakiramdam ko habang pinagmamasdan ang
kalangitang balot ng napakakapal na ulap at di mapigilang bigyan ito ng
kahulugan. Saka ko lang itinigil ang pagtitinda pagpatak ng tanghali't natulog.
Hindi nga lang makuha ang masarap na tulog pagkat sa maingay na nag-uusap sina
Mama at Aling Pammy, maingay pa sa kapaligiran dulot ng mga
nangangampanya. Dala na hindi makatulog, bumangon na lamang ako't naisipang
magtungo sa Computer Shop.
11Y-G. Bandang Alas-singko na ako bumalik sa bahay at
dahil abala ang haligi ng tahanan sa pagluluto ng hapunan at pasumpong-sumpong
naman ang ilaw ng tahanan na di namin alam kung kailan muli aatake. Kinagabihan
ay anong saya muli ng gabi pagkat nililibang ang sarili sa panonood ng Comedy
Show gaya ng Showtime at Banana Sundae at grabe,
over sa kakulitan ang mga tauhan at nakakaalis kung anuman ang problemang
nanalaytay sa buhay. Sa saya, nakalimutan ko nga ang problema't nakakagaan ng
loob. Nang tamaan ng antok sa mga mata, kahit balot pa sa kaingayan ang buong
kapaligiran dulot ng mga taong adik sa sugal, natulog na ko.
May 06, 2018
Sunday
Year VI-126
11Y-H. Nabasag ang masarap kong pagtulog dahil
maingay sa labas dulot na may nangangampanya na kaaga-aga't kalalakas ng
tugtog, tila walang pasintabi sa mga natutulog pa lamang at lintik ang tauhan
ng kumakandidato. Gawa na nawala na ang antok sa mga mata, bumangon na ko. Ang
bahay na nasa kalmado't dalisay na lagay, muling binalot ng tensyon dahil
muling nawawala sa sarili si Mama at kung ano-ano na ang lumalabas sa bibig.
Sobrang natataranta na kami sa nangyayari sa kanya pagkat bukod sa humahandusay
ito sa sahig at papadyak-padyak na di malaman ang dahilan gaya nung isang araw,
nabibigkas muli nito ang patungkol sa balak na pagpapakamatay. Wala kaming
ibang ginawa kundi pigilan ito, di naman namin mapangaralan pagkat nawawala na
nga sa katinuan at tila di na siya ang kaharap namin. Maya-maya pa'y bigla
itong pumasok sa palikuran at ang nakakagulat pa, ni-lock nito. Sa sobrang
taranta namin at iniisip na baka kikitilin na nga ang kanyang buhay kaya sinara
ang pintuan, napilitan na si Papa na sirain ang pintuan, mabuksan lamang
ito.
11Y-I. Nailabas naman namin si Mama sa palikuran
subalit patuloy pa rin itong sinusumpong at pinag-uumpog ang ulo nito sa pader.
Ang ate na sa sobrang inis pagkat kanina pa pinagsasabihan, nagawa nang saktan
si Mama't nasugatan na nga ang teynga nito. Habang lumilipas ang mga araw,
palala nang palala ang kinakaharap naming sitwasyon. Kumalma naman si Mama at
binawi ang kanyang sinabi na magpapakamatay subalit kita ko pa rin sa mukha ang
pagkabalisa't walang ginawa sa buong umaga kundi humilata. Para gumaan-gaan
naman ang bigat at hirap ng loob na dinadanas ni Mama, hinilot-hilot ko ulit
ito't ginawa lahat ng naisip na paraan upang makatulog ito. Nang makitang
humihinahon na talaga si Mama, saka ko ito iniwan. Walang magawa at sa halip na
dibdibin ang pinagdadaanan ng aming pamilya, nagtinda muli ako para
malibang-libang naman kahit papaano't mailihis ang isip mula sa di kanais-nais
na pangyayari.
11Y-J. Pagsuntok ng hapon at kung kailan gumagapang
ang aking yapak patungo sa Ever Gotesco Mall upang bumili ng
Diaper at Napkin na pinapabili ng ate, may biglang tumawag sa akin mula sa
umaarangkadang toda't pinapabalik ng bahay. Sina Ate Bulehn pala
iyon kasama sina Auntie Joy at iba pa naming kaanak. Bukod sa
kanila'y kasama ring kaanib nila sa church at Pastor. Napatungo sila ng bahay
di upang bumisita lamang kundi ipagdasal si Mama na ngayon ay nakagapos sa
sikolohikal na karamdaman. Nang maipakilala ni Ate Bulehn ang
mga kasamahan nito sa Church, saka nagsimula ang fellowship bible study na
pinangunahan ng kanilang pastor. Habang nangangaral ang Pastor patungkol sa
salita ng Diyos ay sumasagi sa aking isipan ang mga sandaling kabilang ako
organisayon bilang Born-Again at kamusta na kaya sina Pastora
Anna at mga kasama nito, naalala pa kaya nila ako kahit matagal-tagal
nang hindi nakakadalo sa kanilang Worship.
11Y-K. Matapos ang pangaral ng Pastor na
pagkahaba-haba, sama-sama naming ni-lay hands si Mama at nagdasal. Nawa'y iyon
na ang maging dahilan upang tuluyan nang gumaling si Mama at tiwalang didinggin
ng Diyos ang aming panalangin pagkat may awa ito. Nang umalis sina Ate
Bulehn, saka ko lamang naipagpatuloy ang balak na magtungo ng Ever
Gotesco Mall. Unang beses ko pa lamang na mag-grocery at shopping nang
mag-isa kaya halos matanga ng lagay habang namimili ng bibilhin at kakapagod
ang maghanap. Pagkauwi'y di magandang pangyayari muli ang sumalubong pagkat ang
inakalang si Mama na maaayos na matapos ipagdasal, tila lalo pang lumalala ang
kondisyon, ni nag-away na nga sila ni Ate pagkat bukod sa nauubusan na siya ng
pasensiya, nag-away pa sila ni Mama dahil sa binitawan nitong mabibigat na
salitang pawang paninisi. Ano na kayang nangyayari sa bahay at bakit namin ito
dinadanas.
11Y-L. Medyo nababagot muli ng lagay at kating-kati
ang paang maglakwatsa, ang kaso'y alanganin kung itutuloy ang naisin pagkat
hindi biro ang kinakaharap naming sitwasyon na di malamam kung kailan
magwawakas. Kinagabihan, hindi kami makatulog, paano'y panay lapit si Mama sa
amin pagkat di pa rin daw makatulog at sumasakit na ang ulo. Kahit naiinis
pagkat makailang ulit nang pinapangaralan na iwaksi na sa isipan ang mga
negatibong bagay, nangibabaw pa rin ang awa sa dibdib at muntikan nang mapaiyak
pagkat dama kong nahihirapan na si Mama sa kalagayan nito. Hindi tuloy naging
masarap ang tulog dulot na pasumpong-sumpong ang ilaw ng tahanan ng kanyang
karamdaman.
May 07, 2018
Monday
Year VI-127
11Y-M. Ganap nang sumapit ang madaling araw at
himbing na sa pagtulog ang marahil karamihan dito sa aming lugar subalit hindi
pa rin makuha ang masarap na pagtulog pagkat patuloy na nag-aalala sa
nangyayari kay ina't bukod daw sa di ito makatulog at sinusumpong ng
pagkapraning ay sumasakit din ang ulo. Walang nangyari sa magdamag kundi
magpalabas-labas si Mama nang kwarto dahil sa kanyang nararanasan at sa totoo
lamang ay awang-awa ako sa kanyang dinadanas, ibig man itong tulungan kaso wala
akong maisip na paraan upang mabawasan kahit papaano ang karamdamang nagbibigay
dusa sa kanya. Kung kailan mag-uumaga na't unti-unti nang gumigising ang
liwanag ay saka naman ako nakatulog. Pagkagising at ang kagabing si Mama na
ikabahala na ng lubos dahil sa magdamag na sinusumpong dulot na di makatulog at
masakit pa ang ulo, ngayon ay tumino-tino na't mahinahon nang manalita ang
kaso'y ikinalungkot ko ang kanyang pasya pagkat uuwi na ito sa Cagayan,
nagbabakasakaling gagaling daw siya roon at makakatulog.
11Y-N. Nag-iimpake na nun ng mga gamit si Mama at
habang nagpapaalam ito sa amin, muntikan na kong mapaluha. Parang ibig ko
siyang pigilan nang panahon pagkat malulumbay ako kapag umalis ito subalit sa
nakikita ko sa kanya'y tila buo na ang desisyon nito. Hinayaan ko na lamang
siya't sinuportahan sa kanyang pasya, baka nga sakaling kapag doon kapiling ang
kanyang mga kaanak ay gumaling na nga ng tuluyan na siyang hinihiling naming
maganap. Habang nag-aagahan ang pagbisita muli ni Auntie Andrea at
dahil batid nito ang nangyayari kay Mama, wala siyang ginawa kundi pangaralan
ito at tulong-tulong na kaming kumbinsihin itong magpatingin na sa ospital, ang
kaso'y pilit pa rin siyang nagmamatigas kaya di na mapigilan ang loob na
maimbyerna pagkat nakakaubos na ng pasensiya.
11Y-O. Nang maglaon at pagkaalis ni Auntie
Andrea ay napapayag naman namin si Mama na magpatingin na sa Medical
City subalit kung kailan naghahanda na't magbibihis, biglang nagbago
ang isip nito't sinabing hindi na namin kailangan tumuloy. Nayayamot man pagkat
hindi maintindihan ang desisyon sa buhay ay nanahimik na lamang ako para hindi
na makadagdag pa sa problemang kinasasadlakan namin at nawa'y malampasan talaga
namin ito. Pagpatak ng tanghali'y halos tumagaktak na ang pawis sa tindi ng
nararanasang init na maihahalintulad na sa pugon kaya pagsapit ng hapon,
bumuhos ang napakalakas ulan. Sinabayan pa ng pagkulog at pagkidlat, dalawang
bagay na kinakatakutan ko kaya kahit umuulan ay pinagpapawisan pa rin dulot ng
namamayaning takot.
11Y-P. Matapos ang unos at dahil walang magawa, naisipang
manuod ng Telebisyon. Habang tutok ang mata sa panunuod ng Telebisyon ay
naulinig na tila may pinagkakaguluhan sa labas, iyon pala'y may nagaganap na
Feeding Program at karamihan ay mga bata ang nakapila. Ibig ko sanang maki-join
sa kainan pagkat may mga matatanda ring nakapila, kaso'y pinangunahan ng hiya.
Maging sa gabi'y panonood pa rin ng telebisyon ang inatupag at dahil sa saya ng
mga natutunghayang palabas at nakakapagbigay aliw pa, parang kusang nalimutan
ang kinakaharap na problema. Bukod sa nalilibang ako habang nanunuod ay laking
kilig din sa napanuod na bagong Telenobelang Doctor Crush at
mukhang makaka-relate ako sa palabas na 'yon pagkat patungkol iyon sa isang
estudyante na nagkagusto sa isang Teacher ang magiging takbo ng palabas at magiging
sila pa nga pagdating ng panahon. Diretso ako sa pagtulog matapos ibabad ang
mata sa panonood ng Telebisyon.
May 08, 2018
Tuesday
Year VI-128
11Y-Q. Hindi ko lamang mapigilan ang malungkot pagkat
ngayong araw na ang alis ni Mama patungong Cagayan upang doon
na magpagamot subalit parang bulang naglaho ang lungkot nang marinig sa
pag-uusap nina Papa na hindi na ito tutuloy. Masaya man ako pagkat hindi na
matutuloy ang pagtungo ni Mama sa Cagayan, nahihiya naman para sa
kapatid nitong si Uncle Isang na kinailangan pang
tumulak dito sa Maynila upang sunduin si Mama at di ito
masisisi kung mayayamot din pagkat kung iisipin ay bukod sa magastos sa
pamasahe, nakakapagod din ang biyahe pagkat malayo, tapos wala rin palang
mapapala sa pinuntahan mo. Ayos-ayos si Mama habang kakwentuhan si UncleIsang at
iba pa naming kaanak sa Cagayan at pagpatak ng tanghali'y
nagpaalam na ito sa amin. Grabe talaga si Mama't di nito inisip na malaking
abala ang ginaya niya sa kapatid at pasalamat na lamang, mahaba ang pasensiya
ni Uncle Isangat maunawaing kapatid. Kinahapunan at dala na
nababagot ng lagay, heto muli ako't naisipang magtinda. Hindi gasinong kadami
ang bumibili kaya naging pagkakataon upang samantalahin ang oras na gawin ang
naisin gaya ng libangin ang sariling manuod ng Comedy Show.
11Y-R. Iyon lamang ang inatupag ko sa maghapon at
kinagabihan naman ay tutok muli ang mata sa panonood ng telebisyon. Matapos
manuod ng telebisyon at gawa na hindi pa dinadalaw ng antok, balik muli ako sa
pagtitinda. Anong ingay talaga sa lugar namin dulot ng mga nagsusugal at sa
totoo lamang ay may napansin ako't hindi namamalayang ang laki na pala ng
pinagbago ng Sitio Taniman pagkat hindi ito gaya dati na kahit
wala pang gasinong nakatayong kabahayan, layo-layo pa't maputik pagkat di pa
sementado ang bawat daanan, tahimik naman lalo na sa gabi kahit madilim at
makakatulog ng maayos, di gaya ngayon na bukod sa nakakabingi na ang kaingayan,
magulo't dami nang mga kabataang sa halip na gumawa ng paraan upang makamit ang
kaulanran sa kanilang buhay, nagpapalaki lamang ng biyas sa maghapon kakatambay
at sila pa ang pasimuno ng kaingay at gulo. Bukod pa roon ay dami na ring mga
tsismosa sa amin na walang ibang inatupag kundi pag-usapan ang buhay na may
buhay at walang ligtas ang sikreto sa makakati nilang dila, kakayamot at sarap tagpasin
ang dila't nakakadagdag sila sa polusyon! Maya't maya ding may nag-aaway na ang
ilan ay halos magpatayan na. Ang laki na talaga ng pinagbago ng lugar namin,
maingay at magulo, nakaka-miss ang dating Taniman
May
09, 2018
Wednesday
Year VI-129
Wednesday
Year VI-129
11Y-S. Dumating muli ang panibagong umaga na may
hatid na bagong pag-asa kahit sa pakiwari namin ay hindi pa gumagaling si Mama
sa kabila na matino-tino na ito't nakakausap ng maayos. Kahit paulit-ulit na
lamang ang ginagawa namin sa kanya, gumaling lamang ito nawa'y hindi kami
magsawa't palawigin pa lalo ang pasensiya habang pinapangaralan si Mama oras na
sinusumpong ito na tila nawawala sa sariling bait. Pagkaalmusal, pagwawalis
kaagad ang inatupag ko. Bandang tanghali nang bumisita muli ang Tita
Susan sa amin kaya ang bahay na mataimtim buong umaga'y umingay dulot
ng samu't saring kwentong nilalahad ng Tita at tila di mauubusan ng sasabihin.
Gawa na nababagot ang lola niyong bigay todo ang kagandahan kahit mukhang paa
ang mukha, naisipan kong magtinda. Habang naghihintay ng mamimili, naisipan
kong magrepaso para sa nalalapit na Board exam. Anong alinsangan ng panahon at
sakit sa ulo kaya nakakawalang ganang mag-aral, nagpahinga na lamang muna ako.
11Y-T. Kung kailan papaidlip na ko, saka ko napansing
dumidilim ang kalangitan at nagbabadya muling umulan, yumanig ang takot sa
dibdib at nai-stress ako kapag kumukulog at kumikidlat kaya gumawa ng paraan
upang maibsan ang stress. Batid kong nawawala ang takot kapag kasama ang
maraming tao kahit singtalim pa ng itak ang kidlat na tipong tustado ang
matatamaan, naisipan kong magtungo sa mall habang hindi pa bumubuhos ang ulan
at wala pang mga pagkulog at pagkidlat. Marahil ay sakit ko na talaga ang
pagiging matatakutin sa kulog at kidlat kaya nakakagawa ng bagay na hindi
pangkaraniwang ginagawa ng karamihan at ito'y panghabang buhay na, gayunpaman
ay buong loob kong tatanggapin pagkat batid sa sariling may awa ang Diyos at
hindi niya pababayaan. Kung kailan malapit nang lumapag ang aking yapak sa
Mall, doon na bumuhos ang ulan at sinabayan pa ng hangin kaya kahit nakapayong
na'y nababasa pa rin.
11Y-U. Nagsayang lamang ako ng pamasahe pagkat ulan
lamang ang naganap at walang ni isang kulog ang nadinig at ni isang kislap ng
kidlat ang naaninag. Pagkatila ng ulan at dala na namamayani na ang gutom sa
Sikmura, kumain muna ako. Pagkakain ay hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa
pag-alis. Sa halip na dumeretso sa bahay, naisipan ko pang maglakwatsa.
Pagkatungtong saRecrap, animo'y may nagaganap na piyesta pagkat
umaalingawngaw sa pandinig ang dagundong ng mga tambol, iyon pala'y may
nagagampanya muling ilang kandidato, huminto muna ako't sinubaybayan ang bawat
kaganapan habang sila'y nangangampanya. Maya-maya pa'y lumakad na ko't tumungo
sa bahay ng Ate Bing.
11Y-V. Pagkatungtong ay saktong naroroon ito't walang
ginawa kundi magkwentuhan. Natigil ang kwentuhan namin nang may tumawag sa
kanya, may isang kandidatong tumatakbo sa pagkakagawad pala silang
sinusuportahan at mangangampanya kaya napagpasyahan nang magpaalam sa isa't
isa. Saktong naghihingalo na ang liwanang nang makatungtong sa bahay at hindi
muling magandang balita ang sumalubong pagkat dumadaing muli si ina ng
pananakit ng ulo't tila nawawala muli sa sarili. Hindi ko na ibig pang
ma-stress pagkat masisiraan lamang din ng tuktok kaya hinayaan ko na lamang si
Papa ang gumawa ng paraan upang mawala ang pananakit ng ulo ni Mama.
Kinagabihan at habang nagtitinda, ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso. Mga dakong
Alas-onse nang mapagpasyahan ng isip na matulog.
May
10, 2018
Thursday
Year VI-130
Thursday
Year VI-130
11Y-W. Nagising na lamang ako dahil sa lakas ng
pagkakasigaw ni Mama na ngayon ay muling sinusumpong. Kaaga-aga subalit
umaatikabo na ang sitwasyon dahil sa nangyayari kay Mama na di na namin malaman
ang gagawin pagkat ibig na itong dalhin sa ospital subalit ayaw naman at ibig
ay nasa bahay lamang. Sa aking pakiwari, iba na nga ang nangyayari kay Mama.
Hanggang kailan kaya ganito ang mararanasan namin na araw-araw na lamang, sa
tuwing umaga'y nag-uumapaw ang pag-aalala dahil sa sinusumpong si Mama't maski
may bisita kami'y ganoon ang kanyang ipinapakita. Wala itong ginawa kundi
sumigaw at tumawag-tawag. Sa totoo lamang ay naiinis na ko subalit di rin
mapigilan ang maawa. Tulong-tulong na kami sa pangungumbinsi sa kanyang magtungo
na sa Medical City, subalit patuloy itong nagmamatigas, hinayaan na
lamang namin siyang magsisigaw-sigaw at Diyos na ang bahala sa kanya, sana
malampasan namin ang ganitong kinakaharap na sitwasyon.
11Y-X. Kinalaunan ay umayos-ayos si Mama't tuwiran
nang nakakausap, ni pumayag na nga itong magpatingin sa Medical City,
na siyang bukod sa ikinakatuwa'y ikinapapanatag din ng loob subalit laking
gulat pagkat makalipas ang halos dalawang oras, bumalik sina Mama at Papa.
Inilahad ng Papa na nagwawala raw si Mama habang nag-aabang ng masasakyan at
bukod pa roon ay muntikan na itong magpasagasa pagkat ibig na raw magpakamatay.
Nakakagimbal ang pangyayari sa pamilya namin sa panahong ito't dahil sa ginawa
ni Mama, di na alam kung maiinis ba o maaawa. Dahil dun kaya naudlot ang
pagtungo nila sa Medical City. Ikinapanghihina ko ang pangyayari't
di mawaring mauuwi sa ganito, gayunpaman ay kailangang manatiling positibo at
huwag hayaang maghari ang kahinaan ng loob. Di ko maintindihan kung bakit bigla
na lamang nanghihina't tila nanamlay ako.
11Y-Y. Sa kabila na parang nilukuban ng enerhiya sa
katawan, sinamahan ko pa rin ang ate sa Commonwealth Medical Hospital upang
ipa-check up si Baby Anya. Nakakatuwang bata habang ito'y
kinikilatis ng Pediatrician kahit mabingi-bingi na sa lakas ng
pag-iyak at bukod kay Anya, namataan ko rin ang iba pang mga bata
na ang ko-cute kung pagmamasdan at sila ang nagbigay ng lakas kahit papaano
subalit nanumbalik muli ang panghihina pagkabalik namin ng bahay, lalo na't
nakikita kong hanggang sa mga oras na iyon ay nakahilata si Mama sa kama na
kita sa mukha ang pagkabalisa pagkat balot sa karamdamang sikolohikal at isip
nang isip ng masasamang bagay. Dala na nanghihina ng lagay, walang ginawa sa
maghapon kundi humiga. Nang pahupa na ang liwanag at sa kabila na nanghihina,
nagawa ko pa rin gampanan ang mga responsibilidad sa bahay.
11Y-Z. Habang nag-uusap kami ng ate ang biglang
pagbangon ni Mama't halinhinang lumapit sa amin na kitang-kitang nawawala sa
sarili pagkat kung ano-ano ang lumalabas sa bibig na hindi kaangkop-angkop. Sa
totoo lamang ay muntikan nang mapaiyak pagkat nag-uumapaw na ang awa sa
kalagayan ni Mama subalit kahit masakit man sa loob, sinigawan ko pa rin ito,
lumayo lamang ito sa amin at umayos-ayos. Lalo pa kong nasaktan nang makitang
nasasaktan na ng Ate si Mama dahil sa pangugulit nito at ibig ko sana siyang
ipagtanggol, kaso batid ng isip na tila tinakasan ng bait si Mama at kung
ano-ano na ang pinaggagawa, bigla-bigla na lamang hihilata sa sahig at ang
nakakagulat pa, sa amin pa niya hinahanap ang gamot samantalang nakalagay lang
naman ito sa ilalim ng higaan. Nawawala na nga sa katinuan si Mama at
napapaisip kung dapat na ba namin siya isugod sa Mental Hospital pagkat maraming
beses nang pinapangaralan, wala naman nangyayari't lalo pa ngang lumulubha.
11Z-A. Nanumbalik sa dating taimtim ang bahay nang
muling humiga si Mama. Kahit sa nakikita namin sa halip na gumaling ay lumalala
pa nga si Mama, nananalig pa ring gagaling ito nang tuluyan at malalampasan ang
ganitong pagsubok. Nanghihina't nalulungkot ako sa nangyayari subalit kailangan
magpakatatag. Kinagabihan at habang tutok ang mata sa panonood ng telebisyon ay
muling sinusumpong si Mama gawa na hindi talaga makatulog at sumasakit ang ulo.
Nakadagdag pa sa problema pagkawala ng kanyang mga gamot at hindi mawari kung
nasaan kaya tarantang-taranta na habang hinahanap. Kumalma naman siya nang
masumpungan ang gamot at iyan kasi ang hirap sa kanya, kung saan-saan
ipinapatong. Nang makitang mahimbing na sa pagtulog si Mama, saka lamang
nakatulog nang matiwasay at nawa'y magtuloy-tuloy na
ito.
May 11, 2018
Friday
Year VI-131
11Z-B. Sa kabila na may kinakaharap kaming suliranin
sa buhay, nanatiling masigla pa rin ang salubong ng umaga't nanumbalik na ang
dati kong lakas. Maaga pa lamang nang gisingin nina Papa pagkat isasama nila
ako sa pagtungo sa Medical City upang magpa-check up si Mama.
Lugmok pa ang mata ko sa antok kaya sinabing sila na lamang ang magpunta't
nawa'y maganda ang magiging findings sa kanya't makatulong iyon sa paggaling ni
Mama. Pagkaalmusal ay pagrerepaso ang inatupag ko. Maya-maya'y gawaing bahay
naman ang sunod na inatupag at pinagkaabalahan. Bandang tanghali nang bumalik
sina Mama galing Medical City bitbit ang mga pasulubong maging
balita. General Anxiety Disorder pa rin daw ang nakitang sakit
kay Mama subalit sa kanilang inilahad habang kaharap ang Psychiatrist,
hindi ako satisfy at tila may mali sa sinabi sa kanila.
11Z-C. Marahil ay hindi naikwento ni Mama lahat ng
naranasan nito, dulot na rin marahil ng hiya kaya hindi ito na-assest ng
maayos. Gayunpaman ay nawa'y hanggang doon na lamang ang sakit ni Mama at huwag
nang lumala pa, bagkus ay mawala pa nga. Dala na napakaalinsangan ng panahon,
bumuhos muli ang napakalakas na ulan. Sinabayan pa ng pagkulog at kidlat kaya
balisa muli ako sa takot at nagtalukbong. Kasabayan ng pagtila ng unos ang
pagtila rin ng pamamayaning takot sa dibdib. Gawa na nababagot ng lagay,
naisipan kong lumabas-labas. Habang patungo sa bahay nina Ate Bing ay
biglang tinawag niAngelica, napatigil muna ako sa kanila't tsikahang
walang humpay. Kahit may katagalan nang hindi nakakagawi sa kanila't usap sa
kanya, hindi pa rin nito nakakalimutan ang pinagsamahan namin at mainit pa rin
ang kanyang pagtanggap.
11Z-D. Maya-maya pa't dahil abala ito sa pag-aalaga
ng anak, nagpaalam na ko sa kanya saka itinuloy ang yapak sa pagtungo
kina Ate Bing. Pagkatungtong ay laking tuwa ko pagkat saktong
nandoon si Annie at sa tagal na hindi nagkikita, kamustahan
kaming dalawa't mukhang marami-rami ang mapag-uusapan. Sa sayang manatili sa
kanila, inabot na ko ng gabi't saka lamang napagpasyahang umuwi nang magpaalam
na si Annie sa kanila. Pagkauwi'y pagtitinda muli ang inatupag
ko. Walang gaanong bumibili at upang hindi mabagot ng lagay sa kahihintay ng
mamimili, panonood muli ng Comedy Show ang napagkalibangan at ang saya ko muli.
Sa saya, tila walang problemang kinakaharap at kahit may problema na tipong
pakiwaring pinagsakluban ng langit at lupa, dapat masaya pa rin and make your
life enjoyable too. May kalaliman na ang gabi at dahil wala na talagang
bumibili, napagpasyahan ko nang magsara.
May
12, 2018
Saturday
Year VI-132
Saturday
Year VI-132
11Z-E. May maganda pa rin sa umaga sa kabila na may
kinakaharap kaming suliranin sapagkat nagising pa ko, nangunguluhugang binigyan
pa ng pagkakataong mabuhay at walang nangyaring masama sa pamilya sa magdamag.
Sadyang kay buti ng maykapal at naniniwala akong hindi niya pinababayaan at
tiwalang gagaling si Mama dahil sa kanya. Pagkamulat ng mata'y karaka-karaka na
kong bumangon at ginawa ang lahat ng dapat gampanan sa buhay. Matapos ang
gawaing bahay, naisipan kong magbasa-basa. Kinatanghalian at ang kaninang si
Mama na kakikitaan na masigla na aakalaing magaling na nga’t ganadong-ganado sa
bagay na pinagkakaabalahan, biglang nagbago ang kanyang moda’t tila nawawala
muli sa sarili, kaya ang resulta’y muling sumiklab ang pagtatalo nila ni Ate
pagkat hindi maalis-alis sa kanya ang pagiging negatibo at isip nang isip ng
mga bagay na hindi magaganda sa kabila na pinapangaralan na. Mukhang masasayang
lamang ang laway sa kakasalita, nauuwi naman sa wala pagkat pakiwaring hindi
nakikinig si Mama at nakakaubos ng pasensiya.
11Z-F. Nakakasawa nang araw-araw na lamang ay
nai-stress dahil sa nagkakaganyan si Mama, ibig ko naman lumigaya at libangin
ang sarili kaya kahit my kinakaharap na suliranin sa bahay, itinuloy ko pa rin
ang balakin ngayong araw. Isa pa’y ayaw kong maudlot ang mga naisin sa buhay
dahil lamang sa pasumpong-sumpong si ina. Palibhasa’y makailang ulit na kaming
nagmalasakit sa kanya subalit binabalewala lamang ang ginagawa at tila hindi
naman tinutulungan ang sariling gumaling kaya habang tumatagal ay lumalala. Sa
bahay nina Annie doon sa Tandang Sora ko
naisipang gumawi at pagkatungtong, sarado ang kanilang pintuan subalit bukas
naman ang kanilang bintana kaya hindi tumimo sa isipang umalis sila at kumatok.
Makailang ulit na kong kumatok at halos sipain na nga ang pintuan subalit di pa
rin pinagbubuksan. Madilim-dilim na ang kalangitan, hudyat na nagbabadya muling
bumuhos ang ulan at nakakaulinig na rin ng mga pagkulog, sa takot na maubutan
ng nagbabantang unos, itinigil ko muna ang pagkatok at dali-daling tumungo sa
lugar na masisilungan. Dahil may kalapitan lamang sa kanila ang mall, sa Circle
C ko naisipang magpalipas ng ulan. Kahit nagngangalit na ang kulog at
kidlat sa labas at animo’y binabayo ng malakas na bagyo, di man lang yumayanig
ang takot sa dibdib pagkat ako’y nalilibang sa panonood ng Martial Arts at
nakakamangha ang ipinapakita nilang stunts.
11Z-G. Tila ibig ko rin sumabak sa Martial Arts upang
matutuhang ipagtanggol ang sarili subalit di alam kung saan kukuha ng pambayad
at gastos nanaman. Nang tumila ang ulan ay bumalik ako sa bahay nina Annie.
Sa pangalawang pagkakataon na aking pagkatok, sa wakas ay may nagbukas na rin.
Bukod kay Annie ay naroroon din si Gelyn at
dahil tila na-miss ang isa’t isa, tsikahang walang puknat kami at maya’t maya’y
hagalpakan. Maya-maya pa’y naisipan naming maglaro na kung tawagin ay Lucky
9 at pataasan kami ng last digit. Sa oras na nanalo’y humihiyaw ang
tuwa sa dibdib pagkat may nililikom na pera kahit piso lamang at nang maubusan
na ng pangtaya, paghampas naman ng bote sa ulo ang punishment kapag natatalo’t
halos maalog na ang Cranial Nerves sa utak sa lakas ng kanilang hampas. Habang
naghahampasan ng bote sa ulo’y doon ko pa lalo naramdaman ang kaligayahang
abot-langit kahit mababaw lamang kung iisipin. Bukod kina Annie,
marami ding mga batang naroroon na kanilang mga pamangkin na kakukulit at tila
walang kapaguran kaya naging magulo at maingay ang buong bahay.
11Z-H. Kinagabihan, paglalapat naman ng Facial Cream
sa mukha ang napagkatuwaan namin at habang ginagawa iyon, pakiwaring malaya ako
at nailalabas kung sino at ano ang naisin ng loob nang walang pag-aalinlangan.
Ngayong nakapagtapos na ko sa pag-aaral, panahon na marahil upang iwagayway
nang lawak ang aking mga Pakpak na matagal nang hindi nagagawa sa takot na baka
may pumana nitong mga taong handang manakit at ako’y mahulog, this time ay wala
nang pakialam kung anong masasabi at gawin nila sa akin oras na gawin iyon. Sa
saya, ibig pa sanang manatili sa kanila o mag-overnight na nga subalit may
bahay akong kailangang uwian at baka kung napano naman sila. Pagkauwi, saktong
taimtim na ang kalooblooban ng bahay at himbing na marahil sa pagtulong ang mga
kasamahan lalo na si Mama. Hindi naman makatulog dala na patuloy na namamayani
ang ingay dulot ng mga nagsusugal.
May 13, 2018
Sunday
Year VI-133
11Z-I. Araw ng mga ina sa buong mundo na walang
sawang ipinapakita ang pagmamahal, di lamang sa kanilang mga supling maging sa
pamilya. Hindi nga matatawaran ang kadakilaang taglay nila at sa kabila na
minsan ay mahirap sa kanilang gawin ang isang bagay, gagawin pa rin alang-alang
sa ikabubuti at ayos ng buhay ng kanilang mga anak. Ngayong Mother’s Day,
dalanging gumaling na nang tuluyan si Mama at magwakas na ang hirap na kanyang
dinadanas dulot ng karamdaman. Sa totoo lamang at kahit naiinis ay naaawa
talaga ako kay Mama sa tuwing sinusumpong ito at dama ko kung gaano ito
nahihirapan sa kanyang kalagayan. May awa ang Diyos at naniniwalang darating
ang panahon na malalampasan niya ito at nawa’y huwag hayaang manaig sa kanyang
puso ang salitang pagsuko pagkat paano na kaya kami kung susuko siya at mukhang
di kakayanin ng loob ang kanyang pagkawala.
11Z-J. Sa sarap ng tulog na kasing sarap ng buhay
Prinsesa, namamayagpag na ang haring araw sa labas nang ako’y magising at
bumangon. Gaya ng mga nakalipas na araw o buwan na nga, nanatiling tila wala sa
katinuan si Mama at may nararamdamang kakaiba na hirap ipaliwanag. Awang-awa
ako kay Mama subalit wala naman magagawa pagkat naubusan na ng paraan kaya
sinabihan na sina Papa na ipa-ospital na ito. Kasing tigas ng bote ang kanyang
bungo pagkat ayaw naman nitong magpa-ospital at sinabing magpapahinga na
lamang. Paano naman kaya siya gagaling kung sa bahay lamang, wala naman kaming
kakayahang lunasan ang kanyang mga nararanasan pagkat hindi kami Doctor kaya di
na alam ang gagawin sa kanya at Diyos na ang bahala. Maging sa hapon ay
nanatiling tila nawawala si Mama sa sarili at kung ano-ano ang sinasambit,
maya’t maya rin ang pagtawag nito sa amin na pagkalakas-lakas.
11Z-K. Sa nangyayari kay Mama na hindi na tama,
bilang estudyanteng nakapagtapos sa pag-aaral bilang Psychology,
nahihinuhang di lang General Anxiety Disorder ang kanyang
kinakaharap kundi may iba pa itong sakit sikolohikal, di ko lang matumbok kung
ano pagkat batid ko na hindi basta-basta mag-diagnosed ng isang pasyente kapag
isa kang Clinician at masyadong Overlapping ang ipinapakita
niyang Behavior. Kumalma naman si Mama kinalaunan kaya kumalma din ang aming
pangamba at pag-aalala. Araw ngayon ng mga ina subalit balot sa karamdamang
hindi maipaliwanag si Mama at hanggang kailan magiging ganito ang aming
sitwasyon. Sa halip na magmukmok at kimkimin ang kinakaharap na problema,
nilibang ko na lamang ang sarili sa pagtitinda at pakikinig ng mga musika.
Pagsapit ng gabi’y panonood naman ng Telebisyon ang naging pampalipas oras ko.
Dahil may binabalak ang sariling magpuyat, may kalaliman na ang gabi
napagpasyahang matulog.
May
14, 2018
Monday
Year VI-134
Monday
Year VI-134
11Z-L. Barangay and Sangguniang Kabataang Election na
dinaraos ngayong araw subalit wala akong balak gamitin ang boses gawa na hindi
naman alam ang plataporma ng bawat kandidatong tumatakbo sa aming barangay at
katamad magpunta sa presinto. Kahit hindi ako boboto sa Eleksyong ito, nawa’y
mga tapat at tamang kandidato ang hiranging bilang kagawad sa bawat barangay
nang sa gano’y hindi naman magdusa ang kanilang mga nasasakupan at manatiling
payapa ang bawat lugar sa bansa. Sa aking paggising ay hindi kagandahang
pangyayari muli ang sumalubong pagkat muling sinusumpong si Mama na tila
nawawala sa sarili at bukod sa nagsisigaw-sigaw at tawag sa amin, nakukuha rin
nitong humilata sa sahig at papadyak-padyak, tila tinatakasan na ng bait si
Mama at sa puntong iyon ay napapaisip na kung nararapat na ba siyang dalhin sa
Mental Hospital subalit nagdadalawang isip pagkat batid naming hindi biro ang
kalagayan dun at sa halip na mapabuti’y baka lalo pang mapasama.
11Z-M. Nayayamot man na naawa, wala akong ginawa
kundi pagmasdan na lamang si Mama habang ito’y papadyak-padyak at sa totoo
lamang ay muntikan nang umagos ang luha sa mata. Kinalaunan ay kumalma naman si
Mama at nahiga na kakikitaang hanggang sa mga panahong iyon ay patuloy siyang
ginagapos ng karamdaman. Sa kabila na nahihirapan si Mama, nawa’y kayanin pa niya’t
huwag hayaan ng Diyos na ito’y sumuko at iwan na lamang kami ng basta-basta.
Kinatanghalian, wala sana akong balak bumoto pagkat di naman alam kung sinong
kandidato ang iboboto subalit dahil sa pamimilit nina Papa at sa takot na
magkaroon ng problema oras na kumuha ako ng barangay clearance, labag man sa
kalooban ay sumama ako kay Papa sa pagboto.
11Z-N. Dahil may sasakyang nag-aakay ng mga botante,
hindi muna kami agad umalis at nag-abang. Halos mag-iisang oras na ang aming
pag-aabanag subalit wala pa ring dumarating at gawa na tila natutusta na pagkat
kanina pa babad sa nakakapasong sinag ng araw, minabuting mag-commute na
lamang. Pagkatungtong sa President Corazon Aquino Elementary School,
lugar kung saan kami boboto, gaya nung 2016 Presidential Election,
dagsa ang mga tao’t makalat pa dulot ng mga nagpapamudmod ng mga Campaign
Fliers, tila wala ngang disiplina ang karamihan sa mga botante pagkat kung
saan-saan itinatapon ang mga Fliers kaya ang resulta, kaliwa’t kanan ang kalat.
Kaagad ko naman nakita kung saang presinto boboto subalit naging pahirapan
naman ang pagtungo dala na bulto-bulto ang dagsa ng mga tao.
11Z-O. Pagkatungtong sa presinto at dala na wala
namang kandidato ang napipisil at napilitan lang talaga, naghula-hula na lamang
ako sa pagboto at sana sa mga ibinoto ko, kahit hindi kilala’y palarin kung
sino sa kanila ang may malinis na hangaran sa barangay. Sa tindi ng alinsangang
nadarama’t idagdag pa na nagsumiksik ang mga tao, muntikan nang mahimatay
habang papaalis subalit kinaya ko naman. Bago umuwi’y sinamahan ko pa si Papa
sa pagpunta sa Sandiganbayan upang mag-withdraw, saktong sarado
ang ATM Machine kaya nasayang lang ang paglalakad namin ng
milya-milya. Pagkauwi, muling sinusumpong si Mama at kung ano-ano ang
nasasambit. Gawa na pagod dulot ng kakalakad, sa halip na payuhan si Mama, mas
piniling magpahinga na lang. Kinagabihan, heto muli ako’t buhay tindero ng
lagay. Nang makaramdam ng antok sa mga mata, saka lamang napagpasyahang magsara
at matulog.
May
15, 2018
Tuesday
Year VI-135
Tuesday
Year VI-135
11Z-P. Saktong maliwanag na sa labas nang dumilat ang
dalawang mata. Namumugto pa man sa antok, kinailangan ko nang bumagon.
Pagkaalmusal ay gawaing bahay muli ang aking pinag-ukulan ng panahon habang
walang ginagawa. Matapos magwalis-walis at punas, pagtitinda naman ang sunod
kong inatupag. Hindi gaya nitong mga nakalipas na araw na halos sunod-sunod na
nga, maayos ang kalagayan ni Mama at nagagawa nito ang gaya sa mga matitino
subalit hindi pa kumbinsidong magaling ito, gayunpaman nawa’y ito na ang araw
ng pagsisimula ng kanyang paggaling nang sa ganon ay magwakas na ang problemang
kinakaharap at di na mangamba pa. Kinahapunan at kahit nagbabadyang bumuhos ang
ulan, naisipan kong magtungo sa Computer Shop. Sa sobrang humaling ko sa
pagkukumpyuter, hindi namamalayang nakakadalawang oras na pala.
11Z-Q. Pagkapauwi’t gawa na nababagot, panonood ng
Telebisyon ang inatupag ko. Kinagabihan, pagtitinda muli ang inatupag ko.
Habang nagtitinda, naisipan kong lagyan ng Cutix ang aking mga kuko. Sayang
lamang pagkat dapat ay dati ko pa ito ginawa, ipinakita kung sino talaga ako
nang sag anon ay hindi na nag-aalinlangan pa. Dahil nagsisimula pa lamang,
hindi pantay-pantay at kagandahan ang pagkakalagay ng Cutix sa kuko subalit
feel na feel ko ang pagkababae’t kung ginawa lamang ito nung panahong nag-aaral
pa lamang, baka bukod sa mapansin ay mabighani pa sa akin si Crush at
ipagsigawang ang ganda ko raw. Bandang Alas-onse nang mapagpasyahang kong
matulog.
May
16, 2018
Wednesday
Year VI-136
Wednesday
Year VI-136
11Z-R. Ang kahapong si Mama
na matino-tino at nakakapagsalita pa nga ito ng maayos, bumalik nanaman sa
pagiging sumpungin at nakukuha muling sumigaw-sigaw. Masakit daw ang ulo’t
likuran nito kaya nagsisigaw-sigaw at tawag sa amin, sa sobrang pag-aalala ko
sa nangyayari kay Mama pagkat hindi na alam ang gagawin sa kanya, walang ibang
nasa isip kundi kailangan na itong isugod sa Medical City. Hindi ko
naman kakayanin kung ako lamang mag-isa pagkat nasa Court of Appeals si
Papa na abala sa pag-asikaso ng mga papales para sa Retirement Fee at
nag-aalaga naman ang ate ng kanyang anak. Abot-langit na ang aking pag-aalala
kaya batid mang makakaabala, hindi na nagdalawang isip pang pauwiin si Papa
upang may makatulong kami. Maya-maya pa at ang kaninang si Mama na
nagsisigaw-sigaw, bigla na lamang humilata sa sahig at papadyak-padyak. Wala
akong ginawa kundi awatin siya sa mga pinaggagawa’t bukod pa roon ay
pinagsisipa niya ang Flywood kaya ang ate na sa sobrang pagkaimbyerna, hindi na
napigilan pang saktan si Mama. Sa nangyayaring ito’y mukhang malala na nga si
Mama pagkat nagpapakita na ito ng mga abnormalidad, indikasyong nawawala na nga
ito sa sarili at napapaisip kung nararapat na ba siyang dalhin sa Mental
Hospital, labag man sa kalooban.
11Z-S. Sa sobrang bigat ng
loob na aking dala-dala dahil sa nangyayari kay Mama na hirap ipaliwanag, hindi
na napigilan pang umiyak. Sobrang awang-awa ako kay Mama pagkat sa aking
pakiwari’y hindi biro ang kinakaharap nitong sakit at mahirap, na siya pa
lalong nagpapahina sa akin subalit sa gitna ng mga pagsubok, kailangan
magpakatatag at chill lang din, kahit mahirap. Tila hinahambalos kami ng unos
ng umagang iyon at hindi malaman kung kailan magtatagal. Bago magtanghali nang
dumating si Papa at bukod kay Mama ay nag-aalala rin ako sa kanya pagkat batid
kong High Blood ito at bawal pa naman sa mga ganong tao ang
stress, lalo na’t nahaharap kami sa problema na punong-puno ng stress.
11Z-T.
Dahil may appointment kami ngayong araw sa Psychiatrist,
sa halip na magtungo sa Medical City ay sa Saint’s
Luke Hospital. Pumayag naman si Mama na magtungo kami roon, iyon nga lang
ay masyado itong apurado’t iritable pa. Habang lulan ng Taxi, marindi’t mairita
ako sa Driver na kausap ni Papa pagkat maligalig kung magsalita, madaldal na
tila dinaig pa ang babae at hindi nauubusan ng sasabihin at mayabang pa. Sa
sobrang pagkaasiwa ko, ibig nang bumaba kaso hindi maari, wala na lamang ginawa
kundi magtiis at sa totoo lamang ay na-stress ako sa ingay niya. Feeling Close
pa kay Papa kung ito’y makatungo kaya lalo pa kong nainis.
11Z-U. Bandang Alas-dose nang
makatungtong kami sa Saint’s Luke Hospital at saka lamang
nakahinga ng maluwag nang makababa sa Taxi at grabe rin ang driver na yun,
parang armalite ang boses, sunod-sunod. Saktong naroroon na ang Psychiatrist pagkatungtong
namin sa Clinic subalit di mo na kami pinapasok pagkat may iba pa itong
pasyente. Ilang sandali pa nang papasukin kami at kinausap ng Psychiatrist.
Sa kabila na may kakakikitaan nang ibang sakit si Mama kung ako ang tatanungin
dahil sa mga ikinikilos nito, General Anxiety Disorder pa rin
ang diagnosed sa kanya at epekto lamang iyon ng kanyang Anxiety kung bakit tila
nawawala sa sarili, gayunpaman ay abot-langit pa rin ang pagkahabag kay ina
pagkat hindi nga biro ang ganung uri ng sakit.
11Z-V. Sa dami ng katanungang
naglalaro sa isipan, naging matanong na ko kaya ang resulta, tumagal ng higit
isang oras ang aming konsultasyon. Nang maresetahan ng sangkatutak na gamot, di
na kami nagpatumpik-tumpik pa sa pag-alis. Pagkauwi, saktong naroroon muli
ang Tita Susan, sa halip na makipagpalitan ng kuro-kuro sa kanya’y
mas piniling magpahinga gawa na pagod. Anong alinsangan naman ng panahon kaya
hindi makatulog ng maayos. Kinagabihan, pagtitinda ang aking pampalipas oras.
Nang tamaan ng antok sa mga mata, saka ko lamang napagpasyahang matulog.
May
17, 2018
Thursday
Year VI-137
Thursday
Year VI-137
11Z-W. Hindi mawaring sumapit nanaman pala tayo sa
panibagong umaga ng buhay na hindi mawari kung ano ang mga maaaring maganap sa
maghapon. Pagkadilat ng mga mata, sinasangabi na nga ba't sa araw-araw na
ginawa ng Diyos ay problema pa rin ni Mama ang kinakaharap pagkat muli itong
sinusumpong at bukod sa dumadaing na masakit daw ang ulo, pasigaw-sigaw pa
ito't patawag-tawag. Nayayamot man pagkat araw-araw na lamang niya ginagawa
iyon, pinalawig ko pa rin ang pasensiya at inalagaan siya. Sa napapansin kong
nitong mga nakalipas na araw ay tila palala siya nang palala't kailangan na
itong ipagamot kahit sapilitan. Kinalaunan ay bumangon naman ito na parang di
dumanas ng kung anong karamdaman at nakipagkwentuhan kay Tita Susan.
Maging ang Tita Susan ay ganon din ang paliwanag para mapabuti
si Mama at walang pinagkaiba, kaya ang tanging hangad lang namin ay making ito
at matauhan.
11Z-X. Sa hindi malamang dahilan ay medyo tinatamad
talaga akong magkikilos-kilos ngayong araw kaya kahit hindi pa man nagtatanghali’y
humilata na ko ng lagay. Katamad kumilos at lalo pang nakakatamad kapag
malungkot, parang kawalang ganang gumalaw-galaw at gusto parati’y nakahilata.
Kinahapunan at dahil nagsawa na ang sariling humiga, nagtinda-tinda naman ako.
Nakakabagot kapag walang bumibili o di kaya may katumalan kaya tamang online
lamang sa Social Media ang aking ginawa. Hindi baleng ganito ang aking
kinaaadikan, Facebook, Instagram o Youtube,
huwag lang alak, sigarilyo o higit sa lahat, droga.
11Z-Y. Balak ko sanang gumala at libangin ang
sariling makipagkwentuhan sa mga kaibigan, kaso di naman makaalis ng bahay
pagkat may sakit si Mama at kailangan nila ang tulong ko, mistulan tuloy akong
presong nakakulong sa bahay at naghihintay ng mamimili. Kung di lamang ganito
ang kinakaharap na sitwasyon, may laya sanang gumala-gala saanman ibig
magtungo. Maging sa gabi ay pagtitinda pa rin ang inatupag ko. Kung kailan gabi
na, saka naman naging malakas ang bentahan, iyon nga lang Sigarilyo at Alak ang
pinakamabenta’t karamihan ay mga kabataan ang bumibili. Wala talagang pagbabago
sa kanila hanggang kailan nila lulustayin ang dala-dalang kwarta sa
pagsusunog-baga’t sa aking pakiwari wala na silang mararating kung parating
ganyan. Nang dapuan ng antok, ano pa nga ba ang gagawin kundi ihimlay ang
sarili sa napakalambot na kama kagaya lang ng Prinsesa.
May
18, 2018
Friday
Year VI-138
Friday
Year VI-138
11Z-Z. Wala pa ring pagbabago sa tuwing gigising ako
ng umaga na problema ang sasalubong pagkat sa mga oras na iyon ay muling
sinusumpong si Mama at pasigaw-sigaw at tawag pa sa amin. Kahit palaklakin ng
ilang klaseng gamot na nireseta ng Psychiatrist at pangaralan
ng paspasan, sa aking nakikita’y tila hindi gumagaling si Mama, bagkus ay
lumalala pa nga. Napapaisip na tuloy kung gagaling pa kaya siya o
panghabang-buhay ng ganito siya hanggang sa malagutan na ng hininga na huwag
naman sana. Sa totoo lamang, nami-miss ko na ang dating si Mama na hindi ganyan
na nagsisgaw-sigaw at tila nawawala sa sarili, malakas, matatag kahit may
kinakaharap na problema at nakakausap namin ng maayos. Sa nakikita ko, parang
ibang tao na ang kaharap namin at hindi siya. Kailan kaya babalik sa amin ang
tunay naming nanay, sana malapit na.
12A-A. Walang ginawa si mama kundi magsisigaw-sigaw
at tawag na tila may dinaramdam na hindi namin lubos maunawaan. Kahit may
karamdaman si Mama na siyang aming ikinababahala, tuloy pa rin ang buhay at
naisipan kong magtinda. Nagpatuloy si Mama sa pagsigaw-sigaw, ibig na sana
namin itong dalhin sa ospital pagkat alalang-alala na, kaso ayaw naman nito’t
nuknukan sa tigas ang ulo, nahihirapan na kami pagkat hindi na talaga alam ang
gagawin sa kanya sa hinayaan na lamang ito, nakakakonsensiya man sa loob.
Kumalma naman kinalaunan si Mama at anong klaseng pagsubok ang kinakaharap
namin ngayon subalit sa kabila niyon, naniniwala akong malalampasan namin iyon
at marangyang buhay ang kasunod na kakaharapin.
12A-B. Pagpatak ng hapon, pagtitinda pa rin ang
inatupag ko maging sa pagsapit ng gabi. Kasawa na ang magtinda pagkat
manakanaka lamang ang bumibili kaya hindi na napigilan pang manuod ng
Telebisyon at lunurin ang mata sa panunuod ng mga makabagbag-damdaming drama.
Hindi naman makapanuod ng maayos pagkat panay ang sigaw ng kapatid kong may
sapak sa utak, may maliit pa kaming bata sa kwarto na di maaring maisturbo sa
pagtulog kaya labag man sa kalooban ay minabuting patayin na lamang.
May
19, 2018
Saturday
Year VI-139
Saturday
Year VI-139
12A-C. May kasaganahan ang naging pagtulog sa
magdamag sa kabila na di pa rin nagwawakas ang kinakaharap na problema kaya may
kasiglahang gumising at bumagon. Himala lamang sa nangyayari pagkat maayos si
Mama at nakakakilos-kilos pa nga ito, hindi gaya ng mga nakalipas na araw na
bukod sa nakahilata sa maghapon, nagsisigaw-sigaw din ito na tila nawawala sa
sarili at tatawag-tawag, sana ito na ang araw ng pagsisimula ng kanyang
paggaling subalit hindi pa rin magawang makampante. Pagkalantak ng agahan,
gawaing bahay agad ang inatupag ko. Dahil tutungo muli kami ng Ate sa Bonifacio
Global Cityupang kuhain ang natitira pa nitong gamit, bago pa man
magtanghali ay naghanda-handa na kami. Sa totoo lamang ay wala akong ganang
sumama pagkat tinatamad ng lagay at sa totoo lamang, nayayamot ako pagkat
masyado na itong nakakaabala sa akin subalit bilang kapatid at may anak pa
itong kailangan alagaan, kailangan ko siyang samahan at tulungan.
12A-D. Palibhasa kasi, bakit hindi nito inutay-utay
iuwi ang mga gamit sa bahay, di ngayon ay ura-urada na’t masyado talagang abala
kaya di ko mapigilang mayamot pero nakakaya pa namang itago, umayos lang siya
ng pakikitungo sa akin dahil baka kung ano na ang magawa kapag napuno na. Bukod
sa aming dalawa, kasama rin si Mama at ang anak nitong si Baby Anya.
Hindi namin inasahan na sasalubong ang matinding trapik kaya napapaisip na
mukhang aabutin na ng siyam-siyam subalit kaagad din naman nakarating ng Bonifacio
Global City. Pagkatungtong sa mismo nitong Condonimium, sa halip na sumama
ako kina ate sa pag-akyat ay mas piniling manatili na lamang sa Ground Floor at
hinintay sila.
12A-E. Habang hinintay sila at upang di mainip,
bilang kabilang sa Millennial Generation ay tamang Selfie ang
ginawa ko’t madaming makikitang magagandang tanawin na pwedeng gawing
background at sarap mag-explore sa loob ng Forbeswood Heights. Nang
mapagod ay saka lamang tumigil sa kakalakwatsa. Sa tagal nina Mama na bumaba,
inantok na ko hanggang sa makatulog. Pagkababa nila at sa halip na umuwi na,
kumain muna kami. Tamang-tama pagkat kanina pa tinitiiis ng sikmura ang gutom
kaya walang ibang maramdaman kundi pagkatakam habang hinihintay ihain ang
inorder naming pagkain at pagkahain ay hala bira sa paglantak na tila wala nang
bukas.
12A-F. Matapos kumain ay bumalik pa kami sa Condo
upang kuhain ang mga gamit ng ate. Hindi ko lamang naibigan ang naging asta ng
ate habang ito’y tinutulungang ibaba ang kanyang mga gamit pagkat ito’y
nagtataray, gawa na kanina pa nababanas sa kanya, hindi ko na napigilan pa ang
emosyon sa kanya kahit nasa ibang lugar. Paano, siya na nga ang tinutulungan,
siya pa ang may ganang magmataray at maging si Mama, pinagtataasan nito ng
boses kaya di mapigilan ang mairita, parang ipinapamukhang alila niya kami.
Habang kasagutan ang ate ay para talaga akong sumasabog sa galit pagkat
nakakapagpuyos ito ng damdamin hanggang sa biglang nanikip ang dibdib ko’t
parang kinukuryente ang mga kamay, nag-Hyperventilate na pala ako.
12A-G. Sina Mama, walang ginawa kundi mag-alala’t
mapaiyak na nga, kaya sinubukan kong pigilan ang emosyon. Sa tindi ng
aking Hyperventilation, dumating na sa puntong nabuwal na ko, maigi
na lamang at napigilan ko kaya hindi naman nawalan ng malay. Humupa naman ang
aking Hyperventilation kinalaunan at bumalik sa dati ang
pakiramdam na tila walang nangyari. Sa halip na sumabay na kina Ate sa pag-uwi,
tumungo pa ko sa Ever Gotesco Mall upang bumili ng pangregalo
sa aking inaanak na si Baby John Paul pagkat binyag nito
bukas. Pagkababa ng Taxi, saktong namataan ang mga kamag-aral na sina Robenna,
walang ginawa kundi makipagkamustahan sa kanila.
12A-H. Saglit lamang ang aming pagkikita at kaagad
din naghiwalay. Pagkarating malapit sa Activity Center, ang daming tao na
nagkukumpulan sa iisang umpukan at di malaman kung anong kaganapan. Iyon pala,
may mall show doon si Jason Abalos at sa kagustuhang makakita
muli ng bituin, sumilip muna ako at naghintay. Ilang minuto na kong
naghihintay, di pa ito lumalabas at dahil di naman ako kanyang Fanatic, di na
nagtiyaga pa sa paghihintay at piniling maging abala na lang sa pamimili ng
ipangreregalo. Saktong naghihingalo na ang liwanag nang makarating sa bahay at
sa halip na mabibigat na sermon ang isalubong nila dahil sa ginawa ko kanina,
pangangamusta ang isinalubong sa akin ni Mama at tikom na lang ang bibig ng ate
subalit nanatiling may hinanakit pa rin sa kanya. May binyag pang dadaluhan
bukas kaya maaga akong natulog.
May
20, 2018
Sunday
Year VI-140
Sunday
Year VI-140
12A-I. Isa ang araw na ito sa pinakahihintay at
masaya pagkat sa tana ng buhay ay unang beses ko pa lamang dumalo sa binyag na
kinuha pang ninong kaya pagkagising pa lamang ay kaagad na kong
naghanda-handa’t bihis. Bandang Alas-nuebe magsisimula ang binyag na gaganapin
sa JOLIA Christian Church kaya dali-dali na sa pagkilos upang
di mahuli. Sa halip na magtungo sa Church, kina Cathy ako
nagpunta at saktong naroroon pa sila na abala na sa pagbibihis. Si Ate
Ging naman, hindi na magkandaugaga sa pagluluto ng panghanda dahil
ilang minute na lamang ang bibilangin bago sila umalis, nanatili na sa kanila
at naghintay. Pagkatungtong ng Church, saktong nagsimula na ang Worship at wala
na halos maupuan sa dami ng mga nagsipagdalo.
12A-J. Nagulat lamang ako pagkat ang laki na ng
pinagbago ng kanilang kapilya, sa tagal ko ba namang hindi na nakakagawi sa
kanila’t mas maganda at maayos kung ikukumpara dati. Kahit matagal nang hindi
nakakasamba sa kanilang Church, naging mainit pa rin ang pagtanggap at kabisado
pa rin ang paraan ng kanilang pagsamba’t pananalig sa Diyos. Matapos ang
mala-party na Worship, saka lamang nagsimulang magsalita si Pastora
Anna para sa bible study. Kapansin-pansin ang daming bagong kaanib sa
kanila at wala na yung dati gaya nina Kuya Harold, Kuya Ian at
iba pa subalit naroroon pa rin sina Ate Mykee, Thalia maging
si Cathy na tila loyal sa kanilang sambahan. Matapos ang
pagkahaba-habang pangangaral ni Pastora Anna, nagkaroon ng
Dedication sa pangunguna niya at tinawag lahat ng mga Ninong at Ninang ng
bibinyagang si Baby John Paul kabilang ako.
12A-K. Nang maialay ng Pastora si Baby John
Paul sa Diyos at ni-lay hands naming lahat, isa-isa niya itong
pinahawakan sa lahat ng mga ninong at ninang nito, tanda ng simula na aakuin
namin ang responsibilidad bilang pangalawang magulang at nakaka-overwhelm na
nakakakaba lang pagkat hindi akalaing may inaanak na’t may gampanin na tuwing
Pasko. Matapos ang binyagan, kainan na’t bwenas muli ang sikmura sa dami ng mga
nakahaing iba’t ibang putahe sa Catering at wala nang hiya pang lumantak kasama
ang mga panauhin at sa dami na nagkahalo-halo na nga, mukhang hindi na
maghahapunan pa.
12A-L. Maya-maya pa’y nagpaalam na ko kina Ate
Ging at nagpasalamat. Wala pang balak ang isipang umuwi kaya tumungo
muna ako kina Ate Anne kahit may kalayuan pa. Kung kailan nasa
biyahe ako, biglang sumama ang panahon kaya pagkarating ng Tungko,
sa halip na dumeretso sa kanila ay nanatili muna ako sa SM San Jose Del
Monte. Bukod sa maulan ang panahon na tila humahadlang sa aking balakin,
bigla rin sumama ang pakiramdam ko kaya napagpasyahang umuwi na lamang at huwag
nang tumuloy. Sa sama ng pakiramdam, diretso pahinga ako pagdating ng bahay. Sa
sarap ng tulog, si Papa na mismo ang gumising sa akin at Alas-nuebe na pala ng
gabi. Sayang lamang at himdi pa nagtuloy-tuloy ang tulog ko hanggang umaga,
bakit kasi ginising pa. hinintay ko munang antukin muli bago
matulog.
May 21, 2018
Monday
Year VI-141
Monday
Year VI-141
12A-M. May
kadalisayang pumasok ang bagong umaga sa akin at sa paggising ko, kaparehong
problema pa rin ang kinakaharap pagkat balot pa rin sa karamdaman si Mama at
bukod sa nakahilata ay nagsisigaw-sigaw din ito. Wala talaga akong ibang
maramdaman kundi pagkahabag pagkat ramdam kong kung paano pinahihirapan si Mama
ng kanyang sakit at dalanging gumaling na ito. Kahit masakit man sa loob,
nasisigawan pa rin ito pagkat ayaw sumunod sa mga ipinapagawa namin na
ikakabuti naman niya at sa totoo lamang ay nahihirapan na kami sa kanya subalit
nagpapakatatag lang. Ayaw din kumain kapag pinipilit kaya lalo pang nanghihina
at sumasakit ang ulo. Wala na kaming maisip na alternatibong paraan kaya
hinayaan na lamang ito at ginawa kung ano ang mga dapat gawin ngayong araw.
Matapos ang gawaing bahay, pagtitinda ang inatupag ko. Dahil wala naman
trabaho, walang ginawa sa maghapon kundi magbantay sa aming negosyo na kung
pagmamasdan ay nauubos na ang paninda pagkat di na gasinong naaasikaso.
12A-N. Pagpatak
ng hapon, nagbabadya muling bumuhos ang ulan at kumabog sa takot ang dibdib
nang makakita ng matatalim na kidlat at makarinig ng dagundong ng kulog.
Balisang-balisa ako sa takot nun kaya itinigil muna ang pagtitinda at naghanap
ng lugar kung saan mawawala ang takot. Sa computer shop ko naisipang magtungo
at manatili habang nanalasa ang unos at nang mapansing umaaliwalas na ang
panahon, saka lamang ako umalis sa Computer shop. Nababagot ako ng lagay at
balak sanang maglakwatsa, kaso di ko naman maiwan-iwan ang bahay pagkat may
karamdaman si ina, may pinuntahan si Papa at abala naman ang ate sa pag-aalaga
ng kanyang unika iha, walang ginawa kundi manatili na lang sa bahay at
ipagpatuloy ang pagtitinda. Maging sa gabi ay pagtitinda ang inatupag ko't para
iwas pagkabagot ay nilibang ko ang sarili sa pagpapatugtog.
12A-O. Habang
liwaliw na liwaliw sa pagpapatugtog, nayamot ako ng sobra pagkat may isang
lalaki ang lakas loob ba namang laitin ang tugtog ko't kala kung sinong makapagsabi.
Sa inis, kahit mas matanda ito sa akin ay tahasan ko itong pinagsalitaan. Kapal
ng mukha niya talaga't sarap ikaskas ang mukha sa pader na magaspang nang sa
ganon mabawasbawasan ang pagkakapal! Umalis naman ito kinalaunan at grabe ang
kagaspangan ng ugali niya, tila walang sinasanto kahit sino, mabuti na lamang
at naging matapag ako kaya di nagawang kayan-kayanin. Hindi ko maintindihan,
bakit may mga taong sadyang halang ang pag-uugali. Maya-maya pa, itinigil ko na
ang pagtitinda. Kahit gabi na, nananatiling nakahilata pa rin si Mama at habang
pinagmamasdan ito, sa kanyang ipinapakita, tila ba hinuhudyat na maikling
panahon na lamang ang ilalagi niya sa mundo pagkat nanghihina at ayaw pang
kumain.
12A-P. Lumapit
ako sa kanya at niyakap. Sa labis na awa, di na napigilan pang mapaluha habang
tangan-tangan ang kamay nito. Kung mangyaring kunin na siya ng panginoon sa
amin, parang di ko kakayanin at sana magtagal pa siya kahit na may kinakaharap
na di birong karamdaman na sa tingin ay lumulubha na. Naibsan naman kahit paano
ang lungkot sa mga mata nang sabihin nitong di niya kami iiwan at gagawin ang
lahat ng makakaya upang gumaling at mabuhay pa. Habang katabi si Mama, doon ko
lamang naramdaman talaga na ganon niya ko kamahal at nagsisisi pagkat di magawa
i-appreciate nang husto ang ipinapakita niyang pagmamahal, madalas ay
nagrereklamo pa't sumasama ang loob. Ipinapasadyos ko na lamang ang
pinagdaraanan ni Mama at tiwalang hindi niya pa ito kukunin pagkat alam niyang
di pa kami handa at may awa ito.
May 22, 2018
Tuesday
Year VI-142
Tuesday
Year VI-142
12A-Q. Kahit
umagos ang luha kagabi dahil awang-awa sa sinasapit ni Mama, may saya pa rin
akong nagising at bumangon. Sa kabila na hindi magaganda ang mga dumaraan na
araw sa amin, dapat pa rin magpasalamat pagkat binigyan pa ng pagkakataong
mabuhay at walang napahamak ni isa sa amin sa magdamag. Kahit mabibigat ang
kinakaharap na pagsubok, laban lang at manatiling positibo, huwag hayaang
umiral ang salitang pagsuko. Ang inakalang si Mama na maayos na't malakas
pagkat nagagawa na nitong maglaba, nagkakamali't nahiga muli, tila nanamlay.
May sakit na nga talaga si Mama at gustong-gusto na namin siyang ipagamot sa
ospital, kaso ayaw nito at pilit nagmamatigas. Wala muling ginawa kundi
paulanan ng sermon at naawa man, wala akong ginawa kundi makisabay kina ate sa
pagpapagalit sa kanya. Sa huli, di rin namin ito nakumbinsing magpaospital at
hinayaan na lang siyang humilata sa kama kahit dumadaing at tawag.
12A-R. Hanggang
kailan kaya kami maghihirap dulot ng pagiging matigas na ulo ni Mama at sa
totoo lamang, nakakapagod na subalit kailangan hindi sumuko't umaasang darating
ang panahong gagaling ng lubusan si ina. Pagsapit ng tanghali at dahil
sasamahan ko pa si Ate upang ipa-check-up si Baby Anya, matapos
mananghalian ay nagbihis at handa na kami. Kaagad din naman kami nakarating sa Commonwealth
Medical Hospital at ipinatingin sa Pediatrician si Baby Anya pagkat
higit isang linggo na itong hindi napapadumi. Walang ginawa ang Pediatrician
kundi kalikutin ang puwet nito upang mapalabas ang dumi at kinalaunan, success
pagkat napalabas at napakarami na pagkalapot-lapot. Kaagad din kaming umalis
matapos ang konsultasyon ng bata. Minalas lamang ng lagay pagkat inabutan ng
unos.
12A-S. Nakasakay
pa man din kami sa Taxi na halos jalousie lang ang panangga kaya kitang-kita
ang pagkislap ng kalangitan sa talim ng kidlat, kaya di na maiwasan ang
pagdagundong ng takot at sa lakas ng ulan, mukhang mai-stranded na marahil kami
subalit di naman naganap at ligtas na nakauwi ng bahay. Pagkauwi ay nagimbal
ang dibdib nang mag-chat sa akin ang kamag-aral na si Peter. Nag-post
pala si Jona Vee sa Facebook patungkol sa napag-awayan naming
bagay-bagay. Aminado akong may nagawang kasalanan sa kanya pagkat nasaktan ito
sa mga biro ko at inaaming nagkamali kaya dagliang humingi ng paumanhin nang
makita ang Post nito, ang kaso binigyan niya ko ng rason para magalit at
masaktan pagkat pinahiya at siniraan niya ko sa maraming tao nang di ko
inaakala't inasahan.
12A-T. Kung
may galit siya sa akin, dapat di na lang nito ipinaalam pa sa madla, dapat
pinagsalitaan na lang ako through private message o di kaya hiningaan ng sama
ng loob sa mga kaibigan! Bakit kasi issue naming dalawa, kailangan maging buong
mundo makisawsaw at magalit sa akin, doon ako sobrang nayamot kaya di na
napigilan pang magbitaw ng hindi magagandang salita sa kanya. Oo at may nagawa
akong kasalanan sa kanya subalit kung titingnan saanmang anggulo, mas malaki at
matindi ang kasalanang ginawa nito sa akin at hinding-hindi ko siya mapapatawad!
Hindi ko akalain na siya na itinuring na kaibigan habang nag-aaral pa lang,
papahiyain na lamang ng ganon-ganon dahil lamang sa di ito na natuwa sa biro
ko, bagay na pinagsisihang nasabi sa kanya subalit di talaga ito mapapatawad
over my dead body at dagain nawa siya ng konsensiya sa ginawa nitong
pamamahiya!
12A-U. Halos
umusok na ang ilong ko sa tindi ng galit subalit mabuti na lang, graduate na't
di rin naman kami magkikita pa maging mga ilang kamag-aral na nakaalam kaya
walang dahilan upang mag-alala. Pilit ko man binabalewala ang ginawa nito sa
akin, patuloy na kumukuskos sa kalooban ang sakit lalo na kapag sumasagi sa
isipan ang mga komentong nakakatusok ng puso. Kinagabihan at bukod sa
kinikimkim ang pamamahiyang ginawa sa akin ni Jona Vee ay may kinakaharap
pang suliranin pagkat muling sinusumpong si Mama at tila nawawala sa sarili.
Wala na lamang ibang ginawa kundi awatin sa kanyang ginagawang kakaiba at
pakalmahin. Pambihirang buhay ito at sa aking pakiwari, hindi magaganda ang
dumarating na araw subalit mananatili pa ring nakatindig at hindi susuko.
Kumalma naman si Mama kinalaunan at walang ibang maramdaman sa kalooban kundi
awa.
May 23, 2018
Wednesday
Year VI-143
Wednesday
Year VI-143
12A-V. May bigat sa loob akong nagising ngayong umaga na
marahil ay dala ng pinagdaraanan at parang ibig mahiga na lamang sa maghapon
pagkat napanghihinaan na ng loob subalit hindi ako nagpanaig, kailangan ako
nila lalo na si Mama na may sakit kaya bumangon pa rin at ginawa kung ano ang
mga dapat gawin sa buhay. Kung anuman ang mga bagay na nakakapagpakagabag gaya
ng ginawa sa akin ni Jona Vee, iwasan na lang lalo kapag walang
kakwenta-kwenta upang sa ganon ay mapanatag ang kalooban at guminhawa ang
buhay. Nang makapag-agahan at gaya ng nakagawian, pagbabantay sa tindahan ang inatupag
ko sa umagang iyon. Gaya ng kalungkutang bumabalot sa bahay dahil nahaharap pa
rin kami sa suliranin, anong tamlay ng aming negosyo pagkat manaka-naka ang
bumibili subalit hindi naman iyon naging dahilan upang mangamba at panghinaan
ng loob, gaya ng sinabi ko na kahit anong mangyari, tuloy ang buhay at
matitigil lamang iyon oras na bawiin ng Diyos.
12A-W. Pagpatak ng tanghali, bukod sa nakakaramdam daw ng
pananakit ng ulo si Mama at nanghihina, nagsisigaw-sigaw pa ito. Sa aming
pakiwari ay tila natuluyan na ito pagkat nakukuha nang ngumisi-ngisi nang
walang dahilan at napaka-unpredictable ng kanyang kinikilos. Kami namang kasama
niya, hindi maiwasan ang mag-alala't mabahala subalit wala na lang ginawa kundi
pagmasdan siya pagkat ayaw naman nito magpadala sa Hospital at ang hirap niya.
Pambihira't anong klaseng pagsubok ang aming kinakaharap at sana bigyan pa ng
lakas ng loob upang kayaning kaharapin at lampasan ang mga ito na nagbibigay
dusa sa buhay.
12A-X. Bukod sa ayaw magpaospital, ayaw din nitong inumin ang
gamot, bagkus ay itinapon pa kaya di na talaga alam ang gagawin sa kanya at sa
inis ko, ako na lang ang uminom ng gamot na Rivotril kahit batid ng isip
na hindi iyon nireseta ng Psychiatrist. Thank God at wala naman akong
naramdamang hindi kanais-nais gaya ng inaakala't inaasahan kapag hindi
prescribed sa'yo ang gamot lalo na kapag itinuturing pang Dangerous Drugs gaya
ng nilalaklak ni Mama. Sumanib na ang antok sa mga mata kaya itinigil muna ang
pagtitinda at umidlip. Kinahapunan at dahil nababagot ng lagay, heto muli ako't
ibababad ang mata sa panonood ng Telebisyon. Kinagabihan, ako muli ang
nakatokang magbatay sa tindahan. Kating-kati talaga akong lumabas subalit hindi
magawa pagkat kami-kami na lamang ang maasahan sa isa't isa, ngayong may
karamdaman si ina. Medyo may kalaliman na rin ang gabi nang mapagpasyahang
matulog.
May 24, 2018
Thursday
Year VI-144
Thursday
Year VI-144
12A-Y. Panibagong
araw at dahil hindi pa nagwawakas ang suliraning aming kinakaharap, goodluck sa
ano pang pwedeng mangyari at nawa'y kayanin talaga namin. Pagkamulat ng mga
mata'y walang ibang inisip kundi maging positibo pa rin sa buhay, kahit minsan
ay nahihirapan na ko sa mga bagay-bagay na matagal nang kinakaharap at
nasasaktan gaya ng mga ipinapakita ng mga napakapaligid sa akin. Bakit ganon
sila sa akin, kapag ako ang magbiro, kahit simple lamang at mababaw, hindi sila
natutuwa, bagkus ay nasasaktan at naghihinakit pa nga, samantalang yung iba na
kahit below the belt na ang biro at kawalang-respeto na, ayos pa rin sa kanila,
tinatawanan pa rin! Yung pakiramdam na minsan lang ako magsalita at maglahad ng
opinyon, minamasama pa nila, kahit wala naman akong intensyong insultuhin at
saktan sila samantalang yung iba na kahit walang kakwenta-kwenta ang sinasabi,
pinakikinggan pa rin nila, ipinaglalaban pa nga!
12A-Z. Minsan
lang ako magsalita pero nasasabihang madaldal na at pinapatahimik, samantalang
yung iba na kahit kung ano-ano na lamang at tila hindi nauubusan ng sasabihin,
di nila sinasaway, hahayaan pa nga! Yung pakiramdam na kahit magpakabait ako o
banal sa harapan nila, may nasasabi pa rin silang hindi maganda sa akin, ni
hindi nga nila ako magawang irespeto, samantalang yung iba na kahit nakakagawa
ng kalokohan, kabalbalan o kahit masama pa ang ugali, tinatanggap at pinakikitunguhan
pa rin nila! Bakit ganon, pagdating sa akin, hindi okey samantalang sa iba ay
okey, wala naman akong ginagawa, kaya minsan hindi ko maiwasang isipin kung
umiiral pa baa ng Justice sa Mundo, kasi pakiramdam ko, hindi pantay-pantay ang
pagtrato, mayroong kinikilingan at malas ko nga lang dahil madalas hindi
nakakalasap ng ganong pagtrato.
12B-A. Kahit
na pakiramdam ko na walang halaga sa kanila kahit anuman ang gawin, naniniwala
akong wala sa akin ang problema kundi sa kanila. Kaya bakit sasayangin pa ang
buhay sa kakaisip sa mga taong walang ginawa kundi iparamdam sa’yo na walang
kwenta. Kung wala man akong halaga sa paningin nila, sa paningin ng Diyos ay
may halaga ako at nagpapasalamat sa kanya. Sa sobrang lalim ng aking
pagninilay-nilay habang nagtitinda, hindi namamalayang pumatak na ang
tanghaling tapat. Sa pag-uwi ni Papa galing Court of Appeals, anong sarap ng aming hapunan pagkat KFC, mapaparami nanaman ang aking
lantak at hindi mapigil ang magpakahinay. Matapos ang malapiyestang ganap
habang pinagsasaluhan ang pasalubong ni ama, balik sa dating gawi ang mga
buhay.
12B-B. Dahil
nababagot ng lagay ngayong walang trabaho at nagbabakasyon, walang ginawa sa
maghapon kundi lunurin ang sarili sa Social Media kahit minsan ay
nakakapagbigay stress na sa mga patutsada ng nakakaalam dahil sa ginawang
pamamahiya ng kakaklase kong napakapusok, sige pa rin at binabalewala na lamang
ang bawat masasakit na salitang nababasa. Batid ko na itong nararanasan, wala
pa sa kalingkingang dinadanas ng mga taong naba-bash gaya ng mga Celebrity o Politician at kahit marami-rami kang mga basher, huwag mangamba at
ituon na lamang ang pansin sa mga taong sumusuporta at positibo ang pananaw
sa’yo dahil sila ang nagpapalakas ng loob. Kahit gaanoman ka man kasikat o
marami ang nagmamahal at sumusuporta, still may mga tao talagang ayaw sa’yo at
yang mga taong ganyan, nararapat lamang na iwaksi at baliwalain! Kinagabihan,
heto muli ang mata na ibabad sa panonood ng makabagbag-damdaming drama at di
mapigilang manggigil sa eksena kapag aping-api ang bida. Hinintay ko pang
lumalim ang gabi bago mapagpasyahang matulog.
May 25, 2018
Friday
Year VI-145
Friday
Year VI-145
12B-C. Inabutan
nanaman ako ng pagsikat ng araw sa labas nang magising at bumagon. Sa kabila na
nababagabag ang kalooban ko dahil pakiwaring maraming tao ang galit at ayaw sa
akin, kailangan pa rin maging positibo sa buhay at huwag na lang magpaapekto sa
mga sinasabi nila. Matapos mag-almusal, saka ko lamang ginampanan ang mga
nararapat gawin gaya ng pagbabantay sa tindahan at paglilinis sa loob ng bahay.
Yung pakiramdam na kahit na nakapagtapos na ako ng pag-aaral, sa nangyayari
ngayon ay mistulan akong Yaya at Gwardiya pagkat araw-araw, paglilinis sa loob
ng bahay at pagbabantay sa tindahan ang aking gawain. Gayunpaman, hindi ko
ikinahihiya ang aking pakiwaring katayuan pagkat ang bawat propesyong ating
tinataglay, mababa man o mataas ay mahalaga at may kakayahan pa ring iangat
kung anuman buhay ang kinasasadlakan gaya ng pagiging maralita.
12B-D. Saka ko
lamang itinigil ang pagtitinda pagsapit ng tanghaling tapat at pansamantalang
inihimlay ang sarili sa katre. Si Mama na inakala naming ayos pagkat
nakakapaglaba at walis-walis, muling sinumpong at ito’y pakiwaring kinakabahan.
Sa totoo lamang ay hindi naman siya magkakaganyan kung ikikintal lamang sa
kanyang isipan ang mga positibong bagay at iwawaksi naman kung anuman ang
negatibo, subalit di naman nito magawa, puro lamang siya salita kaya hindi na
mapigilang mayamot. Kung ano-ano pa ang mga salitang kanyang binibitawan na nakakasakit
at hindi matanggap ng loob kaya lalo pang nagliyab ang aking galit at nagawa na
itong sigawan.
12B-E. Tumigil
naman siya sa kakakuda nang Makita nitong nagsusumiklab na ko sa galit gaya ng
nagbabagang uling. Sa kabila na panahon ng tag-init, naging maulan sa maghapon
at katamad ang magkikilos-kilos kapag maulan kaya walang ginawa sa maghapon
kundi humilata ng lagay at magmuni-muni. Kinagabihan naman, pagtitinda nanaman
ang aking pinag-ukulan ng panahon. Dahil mahilig sa puyatan ang lola niyong mukha
nang patola ang mukha, may kalaliman muli ang gabi nang mapagpasyahang matulog.
May 26, 2018
Saturday
Year VI-146
Saturday
Year VI-146
12B-F. Tinig
ng isang babae na tila ba’y tumatangis ang bumarag sa mahimbing kong pagtulog.
Pagkamulat, umaga na pala. Sumilip ako kung saan nanggagaling ang tinig na
iyon, pagkatingin, may bisita pala si Mama at siya’y dinadasalan upang gumaling
at makabangon mula sa sakit. Matapos siyang dasalan, pinangaralan ito. Maging
ako’y kanyang pinangaralan pagkat bukod kay Mama, may pinagdadaanan din ako.
Napakaganda ng kanyang sinasabi at talagang nakakatulong para sa mga kapwang
nawawalan na ng pag-asa, bukod pa roon ay sarap din niyang maging kaibigan at
kakwentuhan dahil kapag may problem aka, may magagawa siya upang tulungan ka.
Habang kakwentuhan siya at pinapangaralan ako, parang Pastora ang aking kaharap
at maraming aral akong natutuhan sa kanya. Julie
ang pakilala niya sa akin nang ako’y magtanong at matagal na pala niya akong
kilala at nakikita.
12B-G. Lumabas
ako matapos ang napakarami naming napag-usapan at laking gulat pagkat may
bisita nanaman kami na sina Ate Bulehn.
Dahil medyo masigla-sigla ako at ginaganahan matapos mapangaralan kaya
naki-jamming ako sa kanila at nakipagkwentuhan, bukod pa roon ay masaya din
silang kasama. Maya-maya at ang kaninang loob na maginhawa’t banayad, sumama
nang may salitang binitawan ang Ate na hindi ko lubos maibigan. Sa sama ng loob
pagkat nasaktan sa kanyang mga nasabi, nag-walk out ako at nagsimula nang
maghihinakit.
12B-H. Pagkatapos
ko siyang alalayan at sinusunod naman kapag may ipinag-uutos na akala mo’y
parang siya na ang amo ko, sasabihin lang niyang hindi raw ako maaasahan at sa
harapan pa ng kamag-anak namin kaya labis akong nasaktan at nag-uumapaw ang
galit sa kanya na parang pakiramdam ko, sumasabog gaya ng Bulkan. Nasaksihan ni
Papa ang aking paghihinanakit at pagwawala at sa halip na ako’y kanyang
panigan, ang ate pa’t sinabing parang yun lang. Oo parang yun lang, para sa
kanila pagkat wala sila sa kinatatayuan ko at hindi niya ko nauunawaan. Yaman
at hindi rin naman niya ako nauunawaan at lalo lang napapasama ang loob,
itinigil na ang pakikipag-usap sa kanya at umalis.
12B-I. Nag-uumapaw
talaga ang galit ko at sa tindi, biglang parang sumisikip ang dibdib ko at
naninigas ang mga daliri. Inaatake na pala ako ng Hyperventilation at sa mismong bakuran pa ng bahay naganap kaya may
nakakita at dagliang tinawagan sina Mama upang humingi ng tulong. Nang kanilang
mabatid, tulong-tulong nila akong ipinasok sa kwarto at pinahuhupa ang pag-atake
ng Hyperventilation. Sa tindi ng
pagkakaatake, medyo natagal bago humupa at sa paghupa, panibagong sakit muli
ang aking natamo mula sa panenermon ni Mama. Pakiramdam ko nang panahong iyon,
ako na nga yung nasaktan, ako pa ang pinagagalitan at lumalabas na masama,
samantalang ang ate na napakataklesa, wala lang sa kanila at di man lang
pinagsabihan kaya patuloy na namamayagpag ang galit sa dibdib at pakiwaring
walang kakampe. Sa galit, nakuha ko nang magwala at magsisigaw-sigaw habang
pinauulanan ni Mama ng nakakapasong sermon.
12B-J. Sa
bigat ng kalooban aking dinaranas dulot ng mga pangyayaring hindi ko lubos
matanggap, maghapon kong iniratay ang sarili sa kama at tila ba nade-depress
ako pagkat pakiramdam ko, kagaya rin si Mama ng ibang tao na walang ibang
ipinaranas sa akin kundi kawalang halaga kahit anong gawin. Hindi pa natatapos
ang pangyayari at bukod kay Ate na nakasamaan ng loob, masama rin ang loob ko
kay Mama kaya hindi na napigilan pang komprontahin ito. Lalo pang nagpuyos sa
galit ang kalooban matapos kong makatanggap muli ng masasakit na salita mula sa
kanya at pakiramdam ko, wala akong kwentang anak sa kanya, matapos kong
magmalasakit habang ito’y may karamdaman! Bukod sa galit na nag-uumapaw,
nade-depress na rin ako, kaya nawalan na ng ganang kumain. Kahit na nawawalan
ng gana, pinilit ko pa rin pagkat ibig ko pang mabuhay at naniniwalang maayos
din ang lahat.
12B-K. Sa
maghapon kong paghiga na walang ginawa kundi lunurin ang sarili sa galit at
para bang nababalutan na ko, kung kailan pahingalo na ang liwanag, biglang
sumakit ang Tiyan ko at hindi pangkaraniwan ang sakit pagkat nakakasuka, wala
nang ginawa kundi sumuka nang sumuka pagkat hindi na makayanan ang sakit at
napapahandusay na rin ako. Nang malaman nina Papa ang nagyayari sa akin, wala
nang ano-ano pang isinugod ako sa Hospital. Habang patungo ng ospital at bukod
sa nakakaramdam ng matinding pananakit ng Tiyan, muli akong inatake ng Hyperventilation at mas matindi pa kung
ikukumpara kanina na halos ikawalan ko na ng malay. Pakiramdam ko nang panahong
iyon habang isinusugod nila ako, katapusan ko na subalit hindi pa naging huli
ang lahat at kaagad din naman nakarating ng Hospital.
12B-L. Nang
malapatan ng paunang lunas, humupa naman ang aking Hyperventilation at nabawasan din ang pananakit ng Tiyan na tipong
nakakayanan ko na. Sa ginawa nina Mama at Papa na halos mahimatay na rin sa
pagkukumahog na isugod ako sa Hospital, napagtanto ko na mali ang nasabi at
iniisip kanina kaya abot-abot ang paghingi ng paumanhin at pasensiya sa kanila,
pagkat lubos ko silang nakonsumi sa aking nagawa at nasabi. Nang maresetahan ng
gamot at umayos-ayos na ng husto ang aking pakiramdam, kaagad na kaming umalis.
Pagkauwi ay diretso pahinga ang ginawa ko, nag-relax at pinakawalan na ang
galit na siya ang dahilan ng lahat-lahat na nangyari sa akin ngayong araw. Sa
pangyayaring iyon ay ngayon ko lang nalaman na grabe pala ako magalit at
kailangan kontrolin upang hindi malagay sa panganib ang buhay ng kahit sinuman
bukod sa akin. Nagpapasalamat ako pagkat kahit nagpadala sa emosyon, hindi ko
naman nagawang makapanakit ng kapwa at sana mapanatili ko ang ganong
gawain.
May 27, 2018
Sunday
Year VI-147
Sunday
Year VI-147
12B-M. Sa
kabila ng mga napagdaanan ko kahapon na pawang mabibigat at hindi inaasahan dulot
lamang na nagpanaig sa bugso ng damdamin, may kaginhawaan pa rin akong nagising
at daglian nang bumangon. Batid kong hindi masama ang maglabas ng galit, bagkus
ay nakakagaan pa nga ng kalooban subalit kailangan maging responsible sa
emosyong iyong ipapamalas upang sa ganon, hindi magsilang ng gulo sa pagitan mo
at sa mga taong nakapaligid lalong-lalo na sa pamilya gaya ng nangyari kahapon.
Hindi pa man limot ng isipan ang mga katagang biglang lumabas sa bibig ng ate
na ikinasama ng aking kalooban, para sa akin ay wala na iyon at ang gaan sa
pakiramdam kapag nagagawa mong magpatawad at pakawalan ang galit na nanalaytay.
Simula sa araw na ito, iiwasan ko nang magalit upang sa ganon, bukod sa
makakaiwas sa gulo, makakaiwas din ako mula sa kapahamakan maaring idulot nito
sa aking kalusugan at buhay.
12B-N. Nawa’y
bigyan ng pagkakataon ng maykapal upang palawign ang pasensiya at makayanang
magtimpi sa sarili oras na may kapwa muling manghahamak sa akin. Dahil
maigi-igi na ang aking pakiramdam, malayong-malayo mula sa naranasan kahapon,
pagtitinda ang aking inatupag matapos mag-almusal. Maya-maya, biglang tumawag
si Ate Bulehn kay Mama at
inanyayahan kaming dumalo sa kanilang Sunday Mass. Daglian na kaming
naghanda-handa at bihis ni Mama at pagkatungtong sa bahay ng Auntie Andrea, saktong nagbibihis pa
lamang si Ate Bulehn at upang hindi
mabagot sa kakahintay sa kanya, nilibang muna ang sariling makipagkwentuhan
kina Ate Roxanne. Ilang sandali pa
nang dumako kami sa sinasabi nitong Church nila at pagkaalpas, iilan pa lamang
ang naroroon. Gaya nina Pastora Anna,
mga Born-Again Christian din sila at
dahil may mga pagkakataong nakakadalo ako sa ganung uri ng Relihiyon, higit
limang taon na ang nakakaraan, hindi na ko magtataka pa sa paraan ng kanilang
pagsamba sa maykapal.
12B-O. Nagsisisi
lamang ako at dapat pala, ipinagpatuloy ko ang pagdalo sa Born-again pagkat hindi akalain na mangyayari ito, ang mapapayag si
Mama na dumalo sa kanilang pagsamba sa kabila na Katoliko ito na dati ay parang bato siya habang kinukumbinsing
umanib na sa ganung relihiyon, kung sa bagay hindi ko ito masisisi pagkat hirap
nga naman iwan o talikuran kung anumang bagay ang iyong kinaganisnan gaya ng
kaugalian sa bawat relihiyon. Gayunpaman ay hindi na mahalaga kung anong
relihiyong dala-dala namin basta makadalo at makarinig ng salita ng Diyos ang
ipinunta namin. Lumilipas ang ilang sandali at sa kabila na kami ay nadagdagan,
nanatili pa ring kakaunti ang nagsipagdalo subalit dumating na ang iba pa
naming kaanak na sina Auntie Joy.
Bandang Alas-dyis nang magsimula ang Worship at sama-sama kaming umawit,
umindayog at pumala-palakpak. Matapos ang awiting makalangit at
nakakabigay-gaan sa kalooban, saka lamang nagtalumpati ang kanilang Pastor na
si Pastor Joshua. Habang nangangaral
ito sa amin, sa halip na ipasok sa isipan ay hindi ko maiwasang ikumpara ito
kay Pastora Anna at sumasagi ang mga
panahon nung nasa JOLIA Christian Church
pa ko.
12B-P. Hindi
ko lamang lubos malaman ang dahilan na kung bakit sa lahat ng Born-again Church na aking nadaluhan at
Pastor na napakinggan, para sa akin ay si Pastora
Anna ang pinakamahusay sa pagtuturo at sa kanya lamang ako nagiging
interesado sa pakikinig. Dahil lamang ba sa mas feel ko mangaral ang babae ng
salita ng Diyos o sadyang may bagay itong tinataglay na wala sa kanila, hindi
ko lamang malaman kung ano. Kahit magaling din naman si Pastor Joshua, boses talaga ni Pastora
Anna ang hinahanap-hanap ng aking pandinig pagdating sa mga ganyan.
Nagkaroon pa ng ilang activity bago magtapos ang kanilang Sunday Mass at bago
kami umalis ni Mama, dinasalan muna kami ni Pastor Joshua. Pagkauwi, laking gulat pagkat may bisita pala kaming
sina Tita Cleo at Tita Sabel, iyon nga lang ay hindi
kasama ang Tita Susan pagkat naiwan
raw ito sa Batangas kaya himdi ko
magawang makisali sa pakikipagkwentuhan sa kanila. Mga bandang hapon nang
sila’y magpaalam sa amin.
12B-Q. Kinagabihan,
namayagpag muli ang pagkahabag sa dibdib nang matunghayan ang isang tampok na
programa sa Kapuso Mo, Jessica Soho
patungkol sa isang binatilyo na mayroong napakalaki’t bigat na talampakan na
kung pagmamasdan ay hindi talaga pangkaraniwan at sa bigat nito, sa higaan na
halos umiikot ang kanyang buhay pagkat hirap itong makakilos. Neurofibromatosis ang tumamang sakit sa
kanya at sa totoo lamang, sa lahat ng itinampok na program na may mga taong may
kakaibang kondisyon, sa kanya ako pinakanaawa at gusting-gusto ko siyang
tulungan, kaso hindi alam kung paano kaya umaasa na lamang may maraming
mabubuting puso ang magpapakita ng pagmamalasakit at tulong sa kanya nang sag
anon ay mabawasan kahit paano ang bigat ng buhay na dala-dala niya sa
pang-araw-araw, kahit sinabi ng Doktor na wala nang pag-asang maibalik sa
dating laki ang kanyang talampakan.
May 28, 2018
Monday
Year VI-148
Monday
Year VI-148
12B-R. Panibagong
araw at umaga subalit hindi pa rin nagbabago ang kinakaharap naming problema
pagkat hindi pa rin makatulog si Mama, kaya ngayon ay sumasakit ang ulo at
nagiging iba muli ang kanyang kinikilos. Ayaw naman talaga nito magpadala sa
ospital kung may nararamdaman nang kakaiba kaya hindi na lamang siya inintidi
at ginampanan ang mga dapat gawin sa buhay. Pagkaalmusal, buhay tindera muli
ang aking ganap at para iwas pagkabagot ng lagay, naisipan kong magpatugtog
nang sa ganon ay malibang-libang at mapalayas ang mga negatibong enerhiyang
bumabalot sa aming kapaligiran kaya ganito ang nararanasan, hindi maganda at
nakakapanghina ng loob. Pagpatak ng tanghali at kahit makapaso balat ang init
sa labas at matutusta ang sinumang mabilad, nagtungo ako sa School upang
magpagawa at kumuha ng Transcript of
Record.
12B-S. Pagkatungtong
sa paaralan at matapos ang halos dalawang buwan hindi paggawi roon, manlaki ang
mata sa gulat pagkat ang laki agad ng pinagbago niyon at gumanda ang mga
gusali. Kung kailan nga naman kami nagsipagtapos na, saka pa gumanda ng husto
ang Our Lady of Fatima University.
Kaagad akong tumungo sa Alumni Office
Affairs subalit sarado ito. Dahil wala pang balak lisanin ang minumutyang
paaralan sa kabila na wala naman napala, tumungo pa ko sa Admission Office upang kamustahin si Nikki na ngayon ay nagte-take pa rin ng Internship subalit nasa Cebu raw ito sabi ng kanyang kasamahan,
saka lamang napagpasyahang umalis na subalit sa halip na umuwi, tumungo pa ko
sa Fairview Terraces at nag-mally.
Doon na rin ako nananghalian at nagbasa-basa’t pasyal habang nanatili roon.
12B-T. Bandang
Alas-kwatro na ng hapon ako nakauwi ng bahay at sa pagod, diretso ako sa
paghilata. Kinagabihan, heto muli ako’t aligaga sa pagbabantay sa aming negosyo
na kung pagmamasdan ang mga paninda, kakaunti na lamang dala na hindi na
gaanong naasikaso dulot ng problema at kahit tila aandap-andap na ang aming
negosyo, hindi iyon ang dahilan upang panghinaan ng loob at tuloy na tuloy pa
rin ang buhay. May kalaliman na ang gabi at ibig ko nang matulog subalit hindi
magawa dahil panay ang pag-ubo ng aking kapatid na si Kuya Al at para bang ubo ng may taong may sakit na Tuberculosis kung pakikinggan at sakit
sa teynga pagkat malala na, paano’y hirap painumin ng gamot. Bukod kay Mama na
halos alagain na lamang, may isa pang alagain na kailangan pag-ukulan ng pansin
at nawa kayanin pa ang mga dumarating na pagsubok sa amin.
May 29, 2018
Tuesday
Year VI-149
Tuesday
Year VI-149
12B-U. Sa
halip na maging maligaya ako at ituring ang araw na ito na pinakaespeyal sa
loob ng isang taon pagkat kaarawan ko ngayon, hindi magagawa dahil hindi pa rin
nagwawakas ang kinakaharap naming problema at tila ba mas masahol pa kung
ikukumpara nitong mga nagdaang araw. Pagkagising, pagdaing agad ni ina ang
humaplos sa aking pandinig pagkat magdamag pa rin itong hindi makatulog at
sumasakit ang kanyang ulo at nanghihina pa. Sa sobrang panghihina raw nito,
nagpapadala na siya kay Papa sa ospital subalit paano naman madadala kung hindi
naman siya kumikilos, hinayaan na lamang at gumawa ng paraan para kahit paano
mabawasan ang hirap na kanyang dinaranas. Bukod kay Mama, may sakit din si Kuya Al pagkat ilang nang masama ang
kanyang ubo’t nilalagnat pa. Dahil sa mga pangyayaring hanggang ngayon ay
yumayanig pa rin sa pamilya namin, parang gusto ko munang kalimutan na Birthday
ko ngayon at ituring na ordinaryo lamang ang araw na ito upang sa ganon ay
hindi maging matindi ang matatamong kalungkutan.
12B-V. Tila
ito na marahil ang pinakamalungkot na kaarawang dumating sa akin ngayong taon
pagkat nataong may sakit pa sina Mama at Kuya at halos magpanik nga si Papa.
Kahit malungkot ang aking kaarawan, may dahilan pa rin upang lumigaya at
magpasalamat sa maykapal pagkat Twenty-Two years na pala akong nabubuhay sa
Mundong ito at natutuwa dahil sa nakaabot sa ganung edad, sa kabila na minsan
ay hindi biro ang mga pinagdadaanan. Kahit na ganito ko lang ipagdiwang ang
kaarawan, simple at tila walang aasahang magkakaroon ng handa, ang mahalaga’y
binigyan pa ko ng pagkakataon ng Diyos na mabuhay. May suliranin man kaming
kinakaharap, naniniwala akong mapalad pa rin kami at may mga tao pang mas
matitindi at grabe ang kinakaharap na problema.
12B-W. Depende
talaga sa kung gaaano katatag ang loob na mayroon ka nag-iiba ang ibinibigay na
pagsubok ng maykapal pagkat walang pagsubok na ibinibigay ang Diyos na hindi
natin kakayaning lampasan. Kahit 22nd Birthday ko ngayong araw, gaya
pa rin nitong mga nakalipas na araw ang aking gawain, ang magbantay sa
tindahan. Upang hindi tuluyan lamunin ng kalungkutan, idinaan ko na lamang sa
panunuod ng mga Comedy Show upang sa ganon ay lumiga-ligaya ang aking kaarawan.
Kinahapuan at kahit wala talagang balak maghanda dala na maraming intindihin sa
buhay, kasama si Papa ay bumili kami ng aking panghanda.
12B-X. Palabok,
Cake at Puto lamang ang naging handa ko’t kahit masasabing iyon lamang,
nagbigay pa rin ito ng dahilan upang lumigaya ang aking Birthday at may bisita
pa kami na si Tito Allan. Matapos
namin magsalo ay balik sa dating kinagawian at iyon ay pagtitinda. Maging sa
pagsapit ng gabi ay pagtitinda ang pinag-ukulan ko nang panahon at habang
mistulang gwardiya ng lagay sa pagbabantay sa tindahan, ipinagpatuloy ko ang
panunuod ng Comedy show. Hindi nanaman makatulog ng ayos pagkat pamaya’t maya
kung ubuhin ang aking kapatid, wala na lamang ginawa kundi pagtiyagaan ang ubo
na nakakabulahaw sa aking pagtulog.
May 30, 2018
Wednesday
Year VI-150
Wednesday
Year VI-150
12B-Y. Kahit
halos hindi makatulog kagabi at pakiwaring nakukulangan ako dulot na nakakabulahaw
ang pag-ubo ng aking kapatid, may kaginhawaan pa ring nagising at bumangon
kahit tinanghali na. Sa pagsipa muli ng panibagong umaga, ano-ano nanaman kaya
ang mangyayari sa pamilya namin, ngayong hindi pa tuluyang nagwawakas ang
kinakaharap na suliranin. Napalitan ng pagkabalisa ang kaninang ako na
masigla’t maginhawa ang pakiramdam nang masilayin muli si ina kung paano ito
pinahihirapan ng kanyang sakit. Gaya nitong mga huling araw, nagsisigaw-sigaw
muli ito, dumadaing na masakit daw ang ulo’t nanghihina pa. Wala akong ibang
maramdaman kundi magkahalong inis at awa. Nakakainis dahil sadyang matigas ang
ulo’t sinabing magtungo na sa ospital o uminom ng gamot nang sa ganon ay
maibsan kahit papaano ang mga nararanasan nito, panay pa ang pagtanggi, para
bang ginagawa niyang kumplikado ang sitwasyon at doon talaga ako nayayamot, sa
totoo lamang ay nahihirapan na kami sa kanya at nauubusan ng pasensiya subalit
sa kabila niyon, namamayani rin ang awa pagkat batid kong hindi biro at
pangkaraniwan ang kanyang sakit. Sa halip na gumawa ako ng paraan upang
tulungan ito, hindi ko magawa pagkat wala nang maisip pang paraan at
pinagmasdan na lamang.
12B-Z. Nakadagdag
pa sa aking pagkabalisa ang pag-iisip ng maaring kalagayan ni Papa pagkat sa
nakikita ko’y tila nahihirapan na siya sa sitwasyon, nagkasabay ba naman ang
problemang kailangan niyang gampanan pagkat bukod kay Mama na nakakaranas ng
sakit na hirap ipaliwanag, may sakit pa ang Kuya Al at balak pa nitong dalhin sa Doktor ngayong araw pagkat
malala na ang ubo. Nangangamba ako na baka bumigay na si Papa oras na hindi na
nito makayanan ang kinakaharap naming sitwasyon subalit kailangan pa rin maging
positibo sa buhay at huwag hayaang panghinaan ng loob kahit sa totoo lamang,
napanghihinaan na ko ng loob. Sa oras ng pagdurusa dulot ng problema, iisipin
na lang na nariyan lang ang Panginoon, handang tumulong at hindi ka pababayaan
kahit ano ka pa, basta manalig lamang sa kanya. Sa sobrang pagka-stress ko
dulot ng mga kinakaharap na suliraning patuloy na namamayagpag, muntikan
nanaman atakihin ng Hyperventilation
subalit gumawa ako ng paraan upang mapigilan iyon, nagtinda at nilibang ang
sarili sa panonood, nang sa ganon ay mailihis ang pag-iisip ukol sa mga bagay
nakakabigay lamang ng stress.
12C-A. Maya-maya
pa at sa hindi inaasahan, biglang bumangon si Mama subalit kakatuwa ang kanyang
kinikilos pagkat kung ano-anong pinagsasabi’t gawa sa buhay. Sa nangyayari sa
kanya, hindi ko na maiwasang isipin, tuluyan na ba itong tinakasan ng bait o
bilang nakapagtapos sa Psychology,
is she now suffering from being Psychotic
or other mental illnesses? Kahit sigurado na kung subjective lamang ako
mag-isip, bilang objective thinker ay di mo pa rin masabi kung ano na nga ba
ang nangyayari kay Mama at para bang nangangailangan pa ko ng mga patunay para
mag-conclude. Gayunpaman, hindi ko lubos ikinatutuwa ang nangyayari’t
nakaka-depress. Sa kabila na tila nawawala na sa sariling bait ang aming ilaw
ng tahanan, nagpatuloy pa rin ako sa pagtitinda.
12C-B. Bandang
hapon nang bumalik sa dati ang mga kinikilos ni Mama at nagawa pa nga nitong
samahan si ate sa pagpapa-check up kay Baby
Anya. Kahit nakikita kong umaayos na si Mama, hindi pa rin kumbunsido at
hirap isiping magalingan na nga ito dahil sa mga ipinakita niyang pabago-bago,
unpredictable. Dahil nababagot ng lagay, pagititnda lamang ang inatupag sa
maghapon maging sa gabi at upang mapigilang lamunin ng pagkabato, nanuod na
lamang ako ng Documentary Video. Sana ganoon ang kabataan ngayon, sa halip na
kung ano-ano ang pinapanuod na wala naman katuturan, dapat Dokumentaryo na
lamang ang tutunghayan nang sa ganon madagdagan pa ang kanilang kaalamang
maaring makatulong sa pang-araw-araw na buhay subalit hindi ko rin naman
sinasabing masamang manuod ng kung ano-ano o manuod ng mga bagay na nagbibigay
sa’yo ng aliw o libang gaya ng panunuod ng Comedy show. Maging sa gabi’y
pagtitinda pa rin ang inatupag ko. Nagpatuloy lamang ako sa panunuod subalit
Comedy Show naman at napakarami kong tawa kaya di mapigil ang mapahalakhak ng
lakas at sa sobrang saya, nakalimutan ko nang may problema pala kaming
kinakaharap. Iba talaga ang nagagawa at naidudulot sa’yo ng Comedy show at
bukod sa nalilimutan ang problema, nakakatanggal pa ng stress.
May 31, 2018
Thursday
Year VI-151
Thursday
Year VI-151
12C-C. Huling
araw na pala para sa buwang ito. Pagkamulat ng mata, dagliang nag-almusal at
matapos ay nagtinda-tinda. Maya-maya at habang aligaga ako sa pagtitinda, may
isang bata ang bumili’t sa tabas ng kanyang dila, napakasalbahe’t bastos,
nayamot ako ng bahagya subalit sa halip na patulan ay sinakyan ko na lamang ang
kanyang sinasabi pagkat batid kong bata lamang iyon at hindi dapat sisihin ang
pagiging magaspang ng kanyang pag-uugali kundi sa magulang nagpapalaki sa kanya
o di kaya sa mga kasamahang nakakatanda sa kanya pagkat kung ano ang ginagawa
ng matatanda ay yun din maaaring gawin ng bata. Paano’y hindi natuturuan ng
magagandang asal ang batang iyon sa aking nakikita kaya lumalaking sutil at
walang modo, palibhasa’y wala sa tabi nito ang kanyang mga magulang, kundi mga
tiyuhin lamang kaya marahil ay hindi natutukan ng maayos. Nagpatuloy ako sa
pagtitinda hanggang sa sumapit ang tanghaling tapat.
12C-D. Kinahapunan
at gawa na nababagot ng lagay pagkat manaka-naka ang bumibili, naisipan kong
maglakwatsa muna. Sa bahay nina Ate Bing
ko naisipang magtungo. Habang sa kanila’y pakikipagpalitan ng kuro-kuro ang
aming ganap subalit dala na may pinagkakaabalahan ito, di naging karami ang
aming napagkwentuhan. Mabuti na lamang, naroroon ang mga malilit pa niyang anak
maging mga anak ni Regine (Miano)
kaya sa halip na mabagot ng lagay, nalilibang pa ko at kahit lagpas na sa
hustong edad, pakiwaring bumalik sa pagkabata habang kalaro’t kaharutan sila.
Ang sarap nga naman magkaroon ng bata sa bahay, naituturing mo itong parang
anghel na nagbibigay sa buong pamilya kahit minsan ay nakakairita ang pagiging
makulit at hyper nila. Ibig ko pa nga sanang manatili sa kanila pagkat masaya
at nakakabigay ng Goodbives subalit kailangan ko nang umuwi pagkat baka kung
ano nanaman ang nangyari at kailangan ako ni Papa na ngayon ay halos siya na
lamang ang kumikilos pagkat may karamdaman si Mama.
12C-E. Kinagabihan,
buhay tindera muli ang aking ganap kahit walang gasinong bumibili. Gaya ng
nakagawian nitong mga nakalipas na araw upang hindi tamaan ng pagkabagot sa
kakahintay ng mamimili, panunuod ng Documentary ang aking napagkalibangan.
Yumanig muli ang pagkahabag sa dibdib nang matunghayan ang isang programa sa I Witness patungkol sa isang babae na
tatlong beses sumasailalim sa Dialysis pagkat tuluyan nang nasira ang kanyang
Kidney na siyang naglilinis ng ating dugo. Kung iisipin, napakahirap ng
kanilang buhay pagkat linggo-linggo, kailangan pa nilang gumastos ng kinse mil
para lang maipa-Dialysis ang babae samantalang mahirap lamang sila. Maigi na
lamang at may mga taong nagmamalasakit sa kanila kaya natutustusan ang bayarin
sa Dialysis at higit anim na taon na nila iyong ginagawa magmula nang bumigay
ang dalawa nitong bato. Bukod sa nahahabag, napagtanto ko rin na sa kabila na
aming kinakaharap na problema, mapalad pa rin talaga kami pagkat wala naman
sakit sa bato ang isa sa miyembro ng pamilya o di kaya Diabetes. Nang dapuan ng antok sa mga mata, saka lamang
napagpasyahang matulog.