March
01, 2018
Thursday
Year VI-060
Thursday
Year VI-060
11P-A. Hindi lamang ako makapaniwala sapagkat sumapit na ang
buwan ng Marso, hudyat na nalalapit na talaga ang aking pagtatapos sa pag-aaral
na halos labing-walo ring binuno magmula pagkabata. Nakakatuwang isipin na
lahat ng hirap at pagod na aking kinaharap habang nag-aaral, nalampasan and I'm
so proud to myself dahil nakaya ang lahat ng iyon. Sa ganda ng napaginipan at
sarap ng tulog, tirik na ang haring araw sa labas nang magising. Dahil walang
magawa, gawaing bahay ang aking inatupag. Mistulang nagkaroon ng ash fall sa
loob ng bahay sa dami at kapal ng nawalisang alikabok at hindi matapos-tapos
ang pagwawalis pagkat hindi nauubos. Nang magsawa na sa pagwawalis, pagtitinda
naman ang sunod na napagkaabalahan.
11P-B. Ilang sandali pa, dumating na rin ang aking pinakahihintay,
ang tanghalian at dala na kanina pa binabata ang gutom sa sinapupunang malaki,
maaga pa sa alas-kwatro kung sumugod sa mesa't parang hindi nakakain ng isang
taon kung bumanat ng lutong ulam. Ganito ako araw-araw na matakaw subalit
laking pasalamat pagkat nananatiling balingkinitan ang pangangatawan. Matapos
kumain at dahil wala talagang magawa, nag-beauty rest ako. Kinahapunan,
naisipan kong magkumpyuter. Saktong pahingalo na ang liwanag nang makauwi't
ulam agad ang hanap ng katawan. Kinagabihan, tamang soundtrip lamang muli ako
para iwas pagka-stress sa mga bagay-bagay na kinakaharap. Hindi ko lamang
maunawaan, bakit may mga taong sadyang walang pakialam sa iyong nararamdaman at
kahit anong effort ang ipakita mo sa kanila, patuloy silang nagbubulag-bulagan,
ganon na ba sila kamanhid.
11P-C. Bakit may mga taong ayaw akong kausapin subalit
pagdating sa iba, willing sila? Pilit kong inuunawa ang ganung klaseng tao at
iniisip kung saan ako nagkulang o nagkamali subalit nahihirapan ako, hindi tuloy
mapigilan ang masaktan. Marahil, may mga tao talagang hindi pantay ang pagtrato
sa kapwa nila't pilit man silang unawain, kaso nayayamot ako't ano bang
problema nila sa akin! Sa totoo lamang ay labis kong ikinadidismaya ang
ipinapakita nila sa akin at ibig kong magwala o maningil, kaso hindi iyon
tama't baka ako pa ang lumabas na masama! Medyo palalim na ang gabi't
tumataimtim na rin ang kapaligiran kaya napagpasyahan nang matulog.
March 02, 2018
Friday
Year VI-061
11P-D. Kahit paano, nabawasan ang bigat ng loob na
kinikimkim kagabi dulot ng magdamagang pagtulog at nakakagaan sa pakiramdam
kapag nailalabas mo ito, sa paraang paglalahad ng saloobin at hindi sa paraang
kailangan mo pang magwala o makapanakit ng damdamin. Pasalamat pa rin ako
pagkat kahit minsan ay apaw na apaw na ang hinanakit sa dibdib dahil sa mga
nakapaligid na walang ginawa kundi pasamain ang loob mo, hindi naman iyon
nagtulak sa akin para makagawa ng mabibigat na kasalanan. Pasasaan pa't
malalampasan ko rin ang ganito't matatanggap din nila ako. Dahil may Seminar sa
school ngayong araw, maaga pa lamang ay napagpasyahan ko nang gumising. May
dinaramdam na nga ang dibdib, nahadagdag pa sina Mama pagkat muling pinaulanan
nang nagbabagang salita nang humingi ako ng pera. Ganoon naman palagi at sa
tuwing manghihingi ng kwarta, palaging may maririnig. Nakatikim man ng
mapupusok na salita, binigyan naman nila ako kinalaunan.
11P-E. Pagkarating ng School at dahil mamayang hapon pa ang
simula ng Seminar, tumungo muna ng Computer shop. Nang kalagitnaan ng aking
pagkukumpyuter, nayari na at patay pagkat natuklasang nawawala ang pitaka.
Hinalughog ko ang bag, nagababakasakaling saan-saan lamang naisuksok subalit
hindi masumpungan. Labis ang aking pamomoblema pagkat nandoon pa naman ang
pambayad para sa Seminar at pamasahe, paniguradong mayayari ng husto nina Mama
kapag nalamang nawalan ng pera. Bukod pa roon ay hindi pa nakakapagbayad ng
renta sa computer shop subalit pumayag naman ang may-ari na magbayad ako sa
ibang araw.
11P-F. Gumawa ako ng
paraan para mahanap ang pitaka subalit bigo ako’t nakaka-stress, hindi na alam
ang gagawin. Ibig ko nang umuwi nang panahong iyon, kaso paano makakauwi kung
walang pamasahe. Malakas ang kutob ko na may kumuha ng wallet ko’t kung sino
man siya, sana makonsensiya ito. Maigi na lamang at nagkita kami ni Nikki. Sa bait nito, siya na ang
sumagot nang mananghalian kami. Uuwi na sana ako pagkatapos, kaso pinigilan
nito’t sinabing pwede naman daw ako makiusap. Nagkaroon ako ng ideya sa sinabi
ni Nikki kaya tumungo na kami ng
Guidance Office at tahasang kinausap si Sir
Laus. Napalitan ng tuwa ang kaninang ako na hindi maipinta ang mukha dulot
ng problema nang pumayag ito na dumalo ako sa Seminar nang walang bayad.
Nukmukan talaga sa bait si Sir Laus
kaya hindi maiwasang mahiya.
11P-G. Pagkatungtong namin ng Auditorium, saktong hindi pa
nagsisimula ang Seminar subalit marami na ang nagsipagdalo kaya ang ingay,
nag-uumapaw. Bakante ang upuan sa harapan kaya doon namin naisipang umupo.
Bandang Alas-dos nang magsimula ang Seminar at si Sir Ronan ang unang nagsalita. Habang ito ay nagtatalumpati na
seryosong-seryoso, laking gulat nang bigla niyang tinawag at tinanong, sa
kabila na hindi naman ako nakikipagdaldalan. Kinabahan ako nag gawin niya iyon
at hindi alam ang sasabihin subalit kumambyo naman ito’t nagpatuloy sa
pagsasalita. Sumunod na nagtalakay si Sir
Jigo. Patungkol sa mga Techie o
mga taong mahilig sa Social Media ang kanyang tinalakay kaya madami ang
nakaka-relate kabilang ako’t maya’t maya ang hiyawan sa tuwing nagkakatamaan.
Pagkatapos ni Sir Jigo ay si Sir Laus na’t patungkol sa Guidance and
Counseling ang kanyang tinalakay. Kapansin-pansing umingay ang loob ng
Auditorium nang ito ang magsalita’t karamihan, pakiwaring hindi interesado sa
kanyang topic at mas pinili pang makipagdaldalan sa katabi.
11P-H. Sa pangalawang pagkakataon ay muli akong tinawag at
ano ba ‘yan, sa dami naming mga estudyante na nakaupo sa harapan na kilala
nila, ako ang madalas na napapansin. Sa dami ng Slide na kailangan i-discuss ni
Sir Laus, inabot siya ng isang oras.
Lalo ko pang itinutok ang Teynga nang si Ma’am
Joyce na ang Speaker at patungkol sa pagmo-move on at Adjustment ang
kanyang tinalakay kaya lalo pang naka-relate ang karamihan sa amin at hindi
maiwasang maglabas ng samu’t saring reaksyon, bukod pa roon ay may natutuhan
ako sa kanya na ngayon lamang nalaman sa tana ng pag-aaral. Si Ma’am Ria ang humalili kay Ma’am Joyce at patungkol naman sa Job
Recruitment ang kanyang tinalakay. Bukod sa umingay ay biglang sumigla ang
buong Auditorium nang si Ma’am Trisha
na ang magsalita’t patungkol sa Inner Demon ang kanyang tinalakay. Hindi ko
malaman kung matutuwa ba ako o mahihiya pagkat sa pangatlong pagkakataon, muli
akong tinawag at ginawa pang ehemplo sa kanyang topic.
11P-I. In fairness nga lamang pagkat interesting ang topic,
kahit mahirap paniwalaan na ang lahat sa atin, may evil spirit na tinataglay ng
katawan kahit gaano pa kabait o banal pa nga’t makakayang makagawa ng masama na
kasing sama ng demonyo. Sa lahat ng topic na tinalakay nila sa aming harapan,
kay Ma’am Trisha ko ang
pinakanagustuhan pagkat kakaiba. Laking pagsisi nga lang at di na pala dapat
naupo sa harapan, sikat na tuloy ako pagkat palaging natatawag at napapansin.
Sa pagtatapos ng Seminar ang pagsagupa muli ng problema pagkat hindi alam kung
kanino mangugutang ng pamasahe. Mabuti na lamang, nandoon si Hannah (Bernardino) at siya ang sumagot
ng aking pamasahe. Pagkadating ng bahay at dahil sawa nang mabungangaan ng
walang puknat, tikom ang bibig hinggil sa nangyari kanina. Dumaan man ang
pagsubok o problema sa buhay, huwag mawawalan ng pag-asa pagkat lilipas din ang
mga iyan at nakakatulong pa nga upang mas lalo pang maging matatag.
March 03, 2018
Saturday
Year VI-062
11P-J. Tinanghali muli sa paggising dulot ng masarap na
pagtulog. Pagkaalmusal at para iwas bagot at nga-nga, inasikaso ang gawaing
bahay. Hindi ko maipaliwanag kung nanaig ang kasiglahan sa dibdib kaya lalo
pang ginaganahan sa ginagawa. Sana magtuloy-tuloy ang ganito at maranasan ito
palagi para kahit gaanoman kabigat ang Gawain, makakayang gampanan. Nang
matapos sa gawaing bahay, pagtitinda ang inatupag ko. Batid ng isip na mali ang
gagawin subalit wala nang maisip na paraan para may maipangbayad ako sa Seminar
kaya habang nagtitinda’y nagawa muling kulimbatin ang pumapasok na pera. Hindi
ito nararapat at gumuguhit man ang konsensiya subalit kailangan itong gawin.
Kung may mapagkukunan lamang ng pera mula sa mabuti ay doon ako. Hirap lamang
palaguin ang pera sapagkat naging matumal ang bumibili. Habang namamahala sa
tindahan ay parang sinindihang posporo ang dibdib nang mabatid mula sa Social
Media ang patungkol sa Incentives at paggawa ng Psychological Reports.
11P-K. Nakakaputok ng butsi pagkat balewala rin pala ang
pagdalo sa Seminar kahapon para mabawasan kahit paano ang ipapasang Psychological Reports at
pinagbebentahan pa kami ng Bingo Cards. Sa nangyayaring ito, tila pineperahan
na kami ng kinauukulan ng School at hindi na ito tama pagkat ilang ulit na nila
kaming ginaganito, yung niloloko. Masyado pa silang nakakaabala’t hindi sukat
akalaing sa Unibersidad na aking pinapasukan, tila kailangan pang dumaan sa
butas ng karayom bago makapagtapos, marahil ay ayaw pa nila kami paalisin.
Akala kasi nila sa aming mga mag-aaral, mga Rich Kid kaya kung ano-anong incentives ang pinapatong para lang
magkapera sila, subalit ang di nila alam ay mahirap ang buhay at madaming
gastusin sa pang-araw-araw!
11P-L. Sa yamot ko, parang ibig ko ng ireklamo ang
kinauukulan ng paaralan kay Tulfo o
di kaya sa Imbestigador pagkat
iniipit sa pera at hindi para sa kapakanan namin ang ginagawa nila. Maging si
Mama, apaw na apaw ang pagkayamot at nauunawaan ko siya pagkat magastos na nga
ang pag-aaral, dumadagdag pa sila. Nayayamot man, ipinapasadyos ko lamang ang
nagaganap at umaasang may kalalagyan ang mga may sala. Bukod pa roon ay wala
silang isang salita’t nakakalito ang inilalabas na Announcement pagkat hindi
matino, tila nambibilog lamang sila ng aming pag-iisip! Sa aking nalaman, mukhang
kailangan pa damihan ang pangunngupit para lamang may maipangbili ng Bingo Card
subalit hindi iyon tama’t makakarinig man ng nagbabagang salita ay kailangang
manghingi.
11P-M. Ilang sandali
pa, oras na upang mananghalian. Dahil tinamaan muli ng antok sa mga Mata,
umidlip muna ako. Sa sarap ng tulog, saktong takip-silim nang magising at
malapit na rin maghapunan. Kinagabihan, bukod sa napukaw ay nakaramdam din ako
ng panghihinayang nang matunghayan ang isang kwento sa Maala-ala Mo Kaya, patungkol ito sa isang lalaki na dahil sa
pagiging responsible niya nung bata pa lamang, nakapagtapos siya ng pag-aaral
at naiahon niya sa naghihikahos na buhay ang kanyang pamilya, bukod pa roon ay
nagkaroon ito ng maganda’t mataas na trabaho subalit lahat ng kanyang
tinatamasa ay unti-unting nawawala nang unti-unting nawawalan ng paningin
hanggang sa tuluyan itong nabulag. Sayang lamang, may mga pangarap pa siya sa
buhay at malaki ang posibilidad na maitaas ang kanyang posisyon sa kumpanyang
pinapasukan, napurnada dulot ng pagkabulag at nakakapanghinayang kung iisipin.
11P-N. Kasabay ng pagkawala ng kanyang paningin ay dumilim
ang kanyang buhay at naging depress dulot ng bigat na nadarama subalit hindi
naman ito naging dahilan para tuluyan siyang sumuko at ginamit ang lahat ng
iyon upang patatagin pa lalo ang loob at makabangon. Sobrang na-inspired ako sa
naging takbo ng kanyang buhay at sana makatulong nawa iyon para sa lahat ng
taong humaharap sa seryosong bagay upang malampasan iyon. Hindi pa dinadapuan
ng antok kaya pakikipag-chat ang inatupag ko kina Sarlyn. Sa sarap nitong kapalitan ng text pagkat mabilis pa sa
guhit ng kidlat ang reply, hindi napansing nagihihingalo na ang baterya ng
telepono at kasing lalim na ng balon ang gabi.
March 04, 2018
Sunday
Year VI-063
11P-O. May kaliwanagan na sa labas nang ako’y magising.
Pagkaalmusal, pagtitinda pa rin ang siyang inatupag. Gaya ng kahapon at sa
kagustuhang makalikom ng sapat na pera pambayad sa lahat ng bayarin, tuloy ang
pangugulimbat. Kung hindi lamang nawalan ng pera dahil sa kaburaraan, hindi ko
sana ito gagawin at hindi na sana madadagdagan muli ang kasalanan. Maihahambing
sa Bituin kung magningning ang dibdib sa tuwa pagkat naging malakas ang
bentahan kaya naman mabilis ang paglago ng aking nakukumlimbat. Ako ang
nagbantay sa tinadahan hanggang sa magtanghaling-tapat. Kasabay ng pagsapit ng
Tanghali ang pagtagaktak ng pawis dulot ng malapugon na init ng panahon, walang
ginawa kundi gawin ang naisip na paraan upang maibsan ang init na humahaplos sa
katawan. Kinahapunan at dahil araw ng Linggo at mabawas-bawasan ang kasalanan,
naisipan kong magsimba. Saktong nagsimula na ang misa pagkatungtong sa
Simabahan kaya napagpasyahang sa susunod na misa na lamang dumalo’t kumain
muna. Bandang Alas-singko na ng hapon nang bumalik sa Simbahan. Balak pa sana
gumala, kaso nagtitipid ako kaya kating-kati man, mas pinili pa ring umuwi.
Kinagabiahan ay tutok at sarap-buhay muli sa panonood ng telebisyon. Maaga pa
magigising bukas kaya hindi na nagpakapuyat pa sa kung ano-anong bagay.
March 05, 2018
Monday
Year VI-064
11P-P. Nagniningning na ang liwanag sa labas nang ako’y
magising. Alas-otso na pala ng umaga kaya daglian na kong bumangon at
nag-almusal. Matapos mag-almusal ay naghanda-handa na para sa pagtungo muli ng
School upang kuhain ang Certificate ng Seminar at bumili ng Bingo Cards. Kung
kalian paalis na ko ng bahay, itong si Mama ay muli akong pinaulanan ng
nagbabaga’t nakakapaso pa ngang salita dahil lamang sa namali ako ng suot ng
pantalon. Kaliit-liit na bagay, masyado nitong pinalalaki’t kung ano-ano ang
kanyang idinadawit na wala naman kinalaman dun. Pilit ko man siya pinapatigil
sa pagbubunganga pagkat nakakarindi’t asiwa na subalit lalo pa itong tumatalak.
Batid kong may Psychological Condition si Mama subalit sa yamot, hindi na
napiglan pang patulan ang kanyang mga sinasabi. Patawarin nawa ako ng maykapal
sa nasabi, gawa lamang ng bugso ng damdamin.
11P-Q. Umalis ako ng bahay na nababalutan ng
pagkaimbyerna ang nasa dibdib dahil sa mga narinig subalit sa kabila niyon,
kailangan kong laliman ang pag-unawa kay Mama’t hindi ko ibig na ako pa ang
maging dahilan para bumalik ang kanyang sakit. Batid kong may problema rin sa
akin, kaya nahihirapang gawin ang gawain ng mga healthy people subalit kahit na
ganon, huwag panghinaan ng loob at isiping kaya kung ano ang nakakaya nila. Sa
sobrang trapik sa lansangan, bandang Alas-dyis nang makatungtong ako sa
Unibersidad. Tumungo kaagad ako ng Guidance office upang magbayad kay Sir Laus. Kaagad din ako umalis
pagkabayad sa kanya.
11P-R. Pagkalabas ay saktong namataan sina Abbie
at dahil kapwa bibili ng Bingo Cards, sa kagustuhang mapadali ang pagpapasa ng Psychological
Report at sa takot na rin na maubusan, hindi na nag-aksaya pa ng panahon
upang hagilapin ang mga Psych Professors. Una namin pinuntahan si
Ma'am Ria, ang kaso ay nagklaklase ito kaya kay Sir Juangco na
lamang. Manlata ang aming mga pagmumukha nang mabatid na ubos na ang Bingo
Cards subalit nabuhayan naman ng loob nang malamang mayroon pa kay Ma'am
Trisha, hindi na namin pinakawalan ang pagkakataon. Pagkalabas ni Ma'am
Trisha mula sa klase nito, daglian namin itong nilapitan at namayani ang
tuwa sa kanya-kanyang mga dibdib pagkat marami pa nga itong Bingo Cards.
Pagkabili at sa halip na umuwi na, pinuntuhan ko pa si Nikki sa
Admission Office at nakipagkwentuhan.
11P-S. Gawa na gulong-gulo't hilong talilong na patungkol
sa ibinibigay sa 'ming incentives para mabawasan ang Psychological Report,
minabuti nang tanungin si Sir Ronan para maliwanagan. Pagkatungtong sa
faculty ay nadatnang may isinasagawang defense at saktong nagpa-panel sila kaya
nawalan ng pagkakataong makausap si Sir Ronan, kinailangan ko pang
hintaying matapos. Hindi naman ako nabagot pagkat may nakakwentuhang
kilalang kamag-aral. Habang kasarapan ng aming pag-uusap ay naantala nang
biglang may tinawag ang aking kausap at pagkalingon, laking tuwa't nagkakulay
pa nga pagkat sa hindi inaasahan o inaasam, muling nagkrus ang landas namin Jed.
11P-T. Hindi lamang ito kaagad nakilala pagkat ang laki
ng kanyang pinagbago magmula ng huli kaming nagkita na ilang buwan na ang
nakakaraan. Sa hitsura nito't pangangatawan, parang dumaan sa malubhang
karamdaman pagkat pumayat ito ng husto. Bukod pa roon ay parang kumupas ang
kanyang kakisigin na hindi gaya ng dati na isang kisap-mata pa lamang ay mumula
ang mukha sa pagkakilig pagkat nagniningning. Natawa lamang ako sa kanya pagkat
nakasalamin na ito't ang baduy lang, hindi bagay sa kanya. Gayunpaman ang
nakita ko sa kanya na nakakapanibago, hindi ko mawari sa sarili kung bakit
hindi man lamang na-turn off o nagbago ang nararamdaman sa kanya, marahil ay
inlove pa rin ako. Basta ang alam ko lamang sa sarili ay masaya at langit ang
nadarama sa tuwing nakikita ito o nakakausap. Lalo pa kong natuwa nang kibuin
nito't kausapin subalit saglit lamang ang pagkikita namin ni Jed at agad
na umalis.
11P-U. Ilang
sandali pa nang matapos ang Defense at kaagad na nilapitan si Sir Ronan.
Bukod sa naliwanagan ang isip ay halos mapatalon ako sa tuwa nang sabihin
nitong 12 Psychological Reports na lamang ang ipapasa ko kahit na hindi
dumalo nung Job Fair at sa darating na Psych Night. Gayunpaman, ayaw
kong makampante pagkat sa tagal na nakasama ito'y batid ko na ang kanyang
pag-uugali na tipong dinaig pa ang babae sa pabago-bago ng isip at desisyon.
Sana hindi na bawiin ni Sir Ronan ang kanyang sinabi pagkat hindi talaga
madali ang gumawa niyon. Matapos ang masinsinan naming pag-uusap, kaagad nang
umuwi. Kinagabihan, dami naming halakhak kay Aling Tessie pagkat kung
ano-ano ang mga bagay ang naikukwento niya sa amin na malayo sa katotohanan
pagkat talipa ang pag-iisip nito. Wala kaming ibang ginawa kundi sakyan at
pakinggan ang kanyang sinasabi't natatawa na lamang na halos maloka na. Sa saya
ng usapan dahil kay Aling Tessie, hindi namamalayang lumalalim na ang
gabi't kailangan nang isara ang tindahan.
March 06, 2018
Tuesday
Year VI-065
11P-V. Inabutan nanaman ako ng liwanag sa paggising.
Pagkaalmusal, kaagad ko nang sinimulan ang paggawa ng Psychological Report.
Sa kabila na idadaan na lamang ito sa pag-i-edit ng mga statements and result
at hindi na kailangan pang maghanap ng Client para magsagawa ng examination at
makakuha ng datos, naging matrabaho pa rin at hindi madali pagkat nakakaduling
at kailangan baguhin ng husto ang nilalaman para hindi mahalatang dinoktor
lamang ang gawang Psychological Report. Naantala lamang ang pag-asikaso
ng Psychological Report pagkat kailangan kong magbantay sa tindahan at
maraming ginagawa si Mama. Sa dami ng mga bumibili na maya't maya ang dating,
naging abala sa pagtitinda't halos hindi na magkandaugaga. Ganap nang sumipa
ang tanghaling-tapat, halos maliyo na pagkat kanina pa kumakalam ang Sikmura
subalit kailangang maghintay dahil inaasahang may dalang pagkain sina Papa pagkauwi.
11P-W. Nagising ang pagkasabik nang dumating sina Papa
bitbit ang pinamiling pagkain na KFC at masayang pinagsalu-saluhan. Sa
labis na gutom na parang isang taon nang kinikimkim, parang wala nang bukas
kung makabanat at nakailang buong manok din ako. Sa dami ng kinain, halos hindi
na makakilos sa kabusugan. Matapos lumamon ng pagkarami-rami pero swak naman sa
tiyan, nag-siyesta ako. Hindi naman makatulog dulot ng mga batang walang
ginawa kundi maghasik ng kaingayan. Pinagsabihan na sila ng ate subalit tila
teyngang kawali't nakuha pang mang-asar, nakakabwisit. Dala na tuluyan nang
hindi makatulog, naisipan kong magkumpyuter sa labas.
11P-X. Abot langit ang aking pagkakwela't laughtrip ng
lagay habang pinapanuod ang kaganapan sa Miss Q & A, ang kukulit ng
mga tanungan, napaka-nonsense at hinugot lamang sa kung ano-ano subalit
mapapalabas ang pangil mo sa kakahalakhak ng walang puknat. Bukod sa
katalinuhan ay kailangan din marunong makisakay sa ipupukol na katanungan kapag
sasali sa ganung patimpalak pagkat nakakaloko. Medyo nawili ako sa panunuod
pagkat nakakatawa kaya inabot ng dalawang oras at saktong naghihingalo na ang
liwanag nang makarating sa bahay. Kinagabihan at dahil nababagot muli ng lagay,
nilibang na lamang ang sarili sa panunuod ng telebisyon. Nang maghari na ang
antok sa mga, saka lamang naisipang matulog.
March
07, 2018
Wednesday
Year VI-066
Wednesday
Year VI-066
11P-Y. Maaga nanaman at sumikat muli ang haring araw kaya
kailangan nang bumangon. Dahil pupunta ngayon sa School upang doon gawin ang
sangkatutak na Psychological Report, matapos lamnan ang sikmurang
magdamag na walang laman ay kaagad nang naghanda-handa. Pagkatungtong ng School
ay kaagad na tumungo sa library at sinimulan ang pag-asikaso sa Psychological
Report. Habang aligaga sa Psychological Report na halos sukuan na
dulot ng stress ay bigla kong naalala na ganitong araw din nung nakaraang taon
na maghapong abala kami sa paggawa ng Psychological Report. Ni inabot na
nga ng gabi sa school dahil dun at grabe ang pagod at stress na tinamo ko.
Hindi ko lamang akalain pagkat nagkataong eksakto isang taon na ang
nakakalipas, ganito muli ang pagkakaabalahan, ang paggawa ng Psychological
Report, para lang makumpleto ang requirements sa Graduation. Sa sobrang
abala sa pagsasaayos ng Psychogical Report, hindi namamalayang
tanghaling tapat na.
11P-Z. Pagkababa ng Library, saktong may nagaganap na
program sa Quadrangle. Natural Science Week pala ngayon at sa
dami ng mga estudyanteng sumusubaybay na halos hindi na mahulugang karayom,
nahirapan ako sa pagkilos at dala na ako'y na-trap sa aking kinalalagyan, sa
halip na magbigay effort upang makaalis ay nanatili muna para manuod.
Mapawagayway sa hiyaw ang aking dibdib pagkat bawat kalahok na matanghal sa
entablado'y mahusay sa pagsayaw, yung ilan ay hataw na hataw at bigay todo,
talagang kinabog kaming mga manunuod. Sumagi muli sa aking isipan nung panahong
bukod sa mga estudyante na sumasayaw, kasali rin ang mga professor nung Natural
Science Week din, isang taon na ang nakakaraan at nakakaaliw na masaya.
11Q-A. Isa pa sa naalala ko nang pilitin ako ng mga
kamag-aral upang sumayaw sa entablado't nag-uumapaw talaga ang pagkahiya ko
habang ipinapamalas sa kanila ang pagiging kaliwa ang paa. Maya-maya pa't dala
ng gutom, kahit hindi pa tapos ang program at marami pang naghihintay na mga
kalahok upang mag-perform, umalis na ko. Kung kailan palabas na ko, sakto
nagkatagpo kami ni Jona Vee. Dahil na-miss ang isa't isa sa tagal ng
panahong hindi nagkikita't usap, mas piniling makipagtsikahan muna sa kanya
kaysa kumain. Saka lamang nahinto ang pakikipaghuntahan sa isa't isa nang
kinalangan na nitong pumasok sa kanyang klase't masaya ako kapag may nakakausap
at nailalabas lahat ng gustong sabihin kahit kung iisipin ay napakababaw, hindi
na mahalaga iyon.
11Q-B. Matapos mananghalian at dala na hindi naman
mahagilap ang mga kaibigan o kakilala para gugulin ang oras na makipagkwentuhan
para matanggal ang pagkabagot, napagpasyahan ko nang lisanin ang paaralan. Sa
halip na umuwi, tumungo pa ko ng Computer Shop at ipinagpatuloy ang paggawa ng Psychological
Report. Sa dami, bigo muli akong matapos iyon at nakaka-stress. Suyang-suya
na ako't hindi na ibig pang ma-stress kaya sa halip na tapusin, mas pinili na
lamang manuod ng Comedy Show para malibang at aliw naman. Dami ko muling halakhak
na makatawa'y tila ito na ang katapusan sa Mundo at ang saya ng araw. Sa
sobrang humaling sa pagkukumpyuter pagkat laughtrip sa pinapanood na programa
at panay hagalpak, pahupa na ang liwanag nang makauwi. Hindi ko mawari sa
sarili kung bakit ang saya-saya ngayong araw na tila hindi lamang pangkaraniwan
at nakakapagbigay-sigla ng kalooban. Nawa'y magpatuloy ang ganitong
pakiramdam.
March 08, 2018
Thursday
Year VI-067
11Q-C. Nagising na lamang ako kinamadaling-araw dahil sa
pangangati ng katawan. Sa sobrang kati, hindi mapigil ang sarili na
kamut-kamutin kahit nagagalusan na. Nang maibsan ang pangangati, pumalit naman
ang hapdi pagkat nagkasugat-sugat na, walang ginawa kundi tiisin. Naibalik
naman ang pagtulog ko kinalaunan at tinanghali na sa paggising. Pagkalantak ng
agahan ay daglian ko nang sinimulan ang paggawa ng Psychological Report. Sa sobrang abala’t aligaga pa, matapos lamang
iyon agad, hindi namamalayan ang paglipas ng mga oras at kailangan nang
mananghalian. Habang kumakain ay hindi akalaing magniningas na lamang ang
kalooban ni Mama sa sinabi ko. Ang sa akin lamang ay makapaglahad kung ano ang
nasa loob at walang intensyon na makapanakit ng damdamin. Sa pakiwari ko sa
kanya, lubhang nasaktan nga ito sa binitawang pahayag at wala nang puknat ang
pagbubunganga, para bang ipinapamukha na napakasama’t walang kwenta kong anak
kaya hindi na mapigilan ang sariling maghihinanakit. Iyan kasi ang hirap sa
kanya, masyado nitong ginagawang exaggerated ang pakahulugan ng sinasabi kaya
ang dating masakit at hindi kaaya-aya, kahit ang purpose lamang ang maglahad
kung ano ang opinion.
11Q-D. Bukod pa roon ay masyado nitong bini-bigdeal ang
mga sinasabi. Nagpaliwanag ako, nang sag anon ay mapahupa ang naninibugho
nitong damdamin subalit sarili lamang nito ang pinakikinggan at nagpatuloy sa
pagmamalas ng malasiling pananalita. Wala naman patutunguhan ang pagpapaliwanag
ko sa kanya, bagkus ay nauuwi lamang sa pagtatalo kaya minabuting magpakumbaba
na lamang at manahimik. Habang naririnig ang mga sinasabi ni ina ay gumuguhit
sa aking gunita ang mga pangyayaring kinaiinisan ko’t nakakadismaya. Bakit
ganon, kailangan palaging ako ang nagpaparaya at umuunawa sa nararamdaman ng
kapwa, palaging ako ang nagpaparaya, ni hindi ko na nga magawang mahalin ang
sarili dahil kapakanan palagi ng iba ang inuuna kaysa sa sarili, tapos ako pa
ang lumalabas na masama’t makasarili, hindi nila ma-appreciate ang kabaitang
pinapakita ko!
11Q-E. Kapag naging mabait naman ako at magpakita ng
kagandahang loob, sa halip na suklian ay inaabuso lamang. Sa pangyayaring iyon,
marahil ay tama na ang pagiging mabait at kailangan nang magbago, kaya hindi
nila masisi kung gagawin koi yon at huwag silang magtaka! Mga tao talaga sa
mundo, masyadong mareklamo’t mapagtanim ng hinanakit sa dibdib, iilan na lamang
marahil ang nakaka-appreciate sa akin! Itinulog ko na lamang ang naturang sama
ng loob at sana sa paggising, maging ayos na ang pakiramdam. Kinahapunan,
muling nag-init ang damdamin ng pagbungangaan muli ni Mama, dahil lamang sa
nawawalang stick ng Sigarilyo at kung makapagsalita, parang ako ang salarin.
11Q-F. Tumigil naman ito sa paninisi sa akin nang
magpaliwanag subalit nagpatuloy ito pag-aalburoto gaya ng bulkan, oo gaya ng
bulkan. Pambihira’t maging sigarilyo pa naman, hindi pinalagpas ng mga
makukulit ang kamay at kung sino man ang nagnakaw niyon, hindi nila ikakabuti
pagkat sa kada-hithit ng isang stick ng sigarilyo, hindi nila namamalayan na
nababwasan na ang haba ng buhay nila kaya ayos lamang ang pangyayari’t iyon ang
magiging karma. Malakas ang kutob namin na mga tambay ang kumuha ng Sigarilyo’t
magpakasasa’t saya lamang sa paghithit-buga kahit nakaw dahil pagkalaunan ang
kalusugan ang maniningil sa kanila! Akala nila, ikakabuti iyan, diyan sila
nagkakamali! Bakit pa kasi nagtitinda pa ng Sigarilyo, alam na ngang masama sa
katawan lalo na sa baga’t nayayamot talaga ako sa mga taong palasigarilyo.
Kinagabihan at dahil tinatamad na ng lagay sa paggawa ng Psychological Report, panunuod ng telebisyon ang inatupag. Saka
lamang naisipang matulog, nang maghari ang antok sa mga mata.
March 09, 2018
Friday
Year VI-068
11Q-G. Inabutan muli ng liwanag sa paggising at hindi
kagandahang umaga ang sumalubong pagkat muling nangangati ang katawan, hindi na
tuloy maiwasan ang mapakamot ng walang puknat at dulot ng sarap, kahit
nagkakasugat-sugat na’y sige pa rin sa paglidlid ang kamot. Dahil ilang linggo
nang nangangati ang aking katawan at namamantal at sugat na nga, napagpasyahan
nang magpatingin sa espasyalista subalit batid ng isip na mahal at magastos,
kaya bumili na lamang ng gamut na pampahid sa balat at lunas sa pangangati. Dahil
walang mabili na malapit sa amin na ganung gamut na kung tawagin ay Diprosalic, nakaabot pa ng Ever Gotesco Mall. Manlaki ang mata sa
gulat nang mabatid ang presyo pagkat mahal sa kabila na maliit lamang ito.
11Q-H. Bago umuwi. abag man sa kalooban pagkat
nagpapahaba na ng buhok para magmukhang babae na, kailangan magtungo sa
Barbershop upang magpagupit. Matapos magpagupit ay wala nang ano-ano pang
umuwi. Pagkauwi’t ligo ay kaagad ko nang ginamit ang biniling gamot. Sa liit
pero siksik, liglig at umaapaw naman ang presyo, kinalangan tipid-tipirin sa
pagpahid. Matapos at dahil walang magawa, nag-beauty rest na lamang ako para
manatili ang pagiging marikit sa mata ng mga madla lalo na sa taong pinipintig
ng puso. Kahit bibihira na lamang an gaming pagkikita’t paliit na ng paliit ang
tiyansang magkita muli, umaasang mangyayari pa rin ang aking inaasam at kapag
nangyari iyon, sana magkaroon na ng lakas ng loob na magtapat ng nararamdaman
at iwaksi na ang pagiging mahiyain.
11Q-I. Nakakapitong tao na ang nagpapintig ng aking puso
na puro lalaki, subalit ni isa sa kanila’y walang narinig na. Hanggan kalian
ako ganito na mahiyain at takot na masaktan sa maaaring mangyari. Anong ingay
sa aming kapaligiran kaya hirap makatulog at panay pa bitaw ng makukunat at
malulutong na mura ang mga tambay, hindi naman mapagsabihan at aasarin ka
lamang kaya walang ginawa kundi hayaan sila. Kinagabihan, tamang libang muli sa
panunuod ng Telebisyon at nang dupuan ng antok, ano pa nga ba ang gagawin kundi
matulog na.
March 10, 2018
Saturday
Year VI-069
11Q-J. Tinanghali muli sa paggising at dahil pupunta
ngayon sa School upang doon muli gawin ang hindi matapos-tapos na Psychological Report, matapos
mag-almusal ay gumora na ko. Pagkapihit ng yapak sa pangalawang tahanan at dala
ng gutom, kumain muna ako, Pagkatapos ay kaagad ko nang sinimulan ang
pag-asikaso ng Psychological Report.
Balak sanang ituloy hanggang hapon subalit naubusan na ng baterya ang laptop.
Gawa na sumisipa na ang kagutuman sa Sikmura at tanghali na rin, napagpasyahan
munang kumain. Matapos kumain, magsisimula na sana ako subalit hindi maituloy
gawa na Deadbatt ang laptop at idagdag pa na walang mahanap kung saan maaaring
magsaksak. Sa halip na mamoblema, gumawa ako ng paraan at kinapalan na ang
mukhang maki-charge sa Guidance Office. Habang nasa Guidance Office at sa takot
na mahuli’t mabuko’y lihim akong gumagawa ng Psychological Report na minamanipula lamang.
11Q-K. Habang ginagawa iyon ay di mapigilan ang
mangamba’t gawa na nag-aalangan sa maaaring mangyari, hindi rin ako nagtagal ng
Guidance Office at nang makalikom na sapat na baterya ang laptop, daglian nang
umalis at nagpasalamat. Wala pang balak umuwi kaya tumungo muli sa library at
saktong naroroon si Nadia kaya wala
muling puknat ang palitan naming ng salita. Dahil nakakalibang itong
kakwentuhan, hindi ko na naipagpatuloy pa ang paggawa ng Psychological Report at naisip na sa bahay na mamaya na lamang.
Dami ko rin tawa sa kanyang pinaggagawa’t animoy batikana na sa kalokohan kaya
kahit na nasa library ay napapalakas pa rin ang halaklahakan pagkat tamad ang
nagsasaway. Makalipas ang dalawang oras na kwentuhan at tawanan, nagpaalam na
kami sa isa’t isa. Sa halip na umuwi ay naisipan ko pang magtungo kina Myrrh upang humingi ng tulong sa kanya
sa paggawa ng Practicum Report
pagkat may alinlangan sa isipan.
11Q-L. Pagkatungtong, nadatnang sarado ang bahay nito
subalit nagawa pa ring kumatok sa pagkakabakasakaling natutulog lamang ito
subalit kahit lakasan ang katok na halos magkasugat-sugat na ang daliri, wala
pa rin nagbubukas, umalis na lamang ako. Ganap nang kumagat ang dilim nang
makarating sa bahay at sa gutom ay banat agad ng nakahaing hapunan sa mesa’t
tutok agad ang mata sa panonood ng telebisyon. Magkasamang galit at awa ang
pumadyak sa aking kalooban nang matunghayan ang kwento sa Magpakailanman na patungkol sa bata nagngangalang Justin na sa kabila ng pagiging mabait
nito at mapagmahal na anak sa magulang at kapatid, may tao pa ring nambu-bully
at handang manakit sa kanya na si Jayson.
11Q-M. Kaawa-awa nga lamang ang sinapit ni Justin pagkat bukod sa madalas na
sinasaktan ito ni Jayson sa tuwing
nagkikita sila, nagawa pa itong patayin dala ng galit at inggit. Labis ang
aking panggigil sa nagawang pagkitil ni Jayson
sa kanya na maari nang ihalintulad sa demonyo’t ang nakakalungkot pa’y di ito
maaring makulong o pagbayaran ang kasalanang kanyang nagawa dahil sa menor de
edad pa lamang ito at isasailalim lamang sa Counseling. Sa panahon ngayon na
maski mga wala pa sa husong edad na may kakayahan ng makagawa ng kriminalidad
gaya sa Magpakailanman, marahil ay
dapat na rin silang hatulang makulong pagkat hindi na rin sila bata mag-isip at
para makamit ng husto ang hustisya. Sayang at napaka-cute pa ng bata, pinatay
pa’t sana pagtungtong nito sa hustong edad, iparanas sa kanya ang hirap na
iginawad nito kay Justin na bukod sa
pinagmalupitan ng paulit-ulit, pinaslang pa, nanggigigil talaga ako!
March 11, 2018
Sunday
Year VI-070
11Q-N. Maliwanag na sa labas nang ako’y magising at
bumangon na may sigla at animoy napakakulay ng umagang bumubungad.
Pagkaalmusal, pagtitinda kaagad ang aking inatupag. Gaya pa rin ng mga
nakalipas na araw sa tuwing nagtitinda ako, Sigarilyo at Alak pa rin ang numero
unong mabenta sa madla, palibhasa karamihan dito sa amin, mga lango sa bagay na
hindi nakakaganda sa katawan, tapos nagawa pang pagnakawan pagkat mga adik na! Ako
ang namahala sa tindahan hanggang sa magtanghali. Nang makapagpananghalian,
ipinagpatuloy ko nang gawin ang Psychological
Report maging Practicum Report.
Balak sanang gugulin ang sarili sa paggawa niyon sa maghapon para magkaroon pa
ng panahon upang tapusin, kaso humahadlang talaga ang antok at gawa na hindi na
napigilan pa, tumulog muna ako. Pagkagising nang ipagpatuloy ko ang paggawa
niyon at sa dami, mukhang malabong matapos ngayong araw subalit idinaan ko na
lang sa sipag at sigasig hanggang sa hindi akalaing matatapos din ito.
Nakakatuwa pagkat Practicum Report
na lamang ang aasikasuhin ko’t siguradong makakapagmartsa na sa Graduation.
Sana man lang lahat ng aking pagkukumahog at pagsasakripisyo, may matunguhan
upang sag anon ay hindi masakit sa loob o nakaka-frustrate. Kinagabihan at bago
matulog, paggawa ng Practicum Report
ang aking inasikaso. Bandang hating-gabi na nang maisipang matulog.
March 12, 2018
Monday
Year VI-071
11Q-O. Dahil inabot na ng kalaliman ng gabi bago
maisipang matulog, nagniningning na ang sinag ng araw sa labas nang magising at
daglian nang bumangon. Pagkalamnan ng Sikmurang magdamag na walang laman,
kaagad nang nagbihis para sa pagtungo muli sa School. Pagkatuntong ng paaralan,
wala nang inaksaya pang oras upang asikasuhin ang Practicum Report. Anong hirap sa paggawa niyon, mas mahirap pa sa Psychological Report at aakalain mong
gumagawa ng Thesis. Bukod sa nahihirapan, sumasakit na rin ang ulo ko sa
kakaisip ng sasabihin para sa nilalaman ng Practicum
Report. Napadali lamang ang paggawa niyon nang sabihin ni Elora na hindi iyon kailangan kundi mga
Pictures at natutuhan mo lamang sa OJT
ang ilalagay. Pambihira’t nagawa pang pahirapan ang sarili samantalang napakasimple
lamang pala niyon. Pagpatak ng tanghali, tigil muna sa paggawa niyon para
mananghalian. Pagkatapos at sa halip na sa library ipagpatuloy ang paggawa ng Practicum Report, naisipang sa Guidance
Office na lamang.
11Q-P. Habang aligaga sa paggawa na halos hindi na
magkandaugaga ang pagdating naman ni Jona
Vee. Sa halip na ituon sa ginagawa ang atensyon at oras, napunta na sa
kanya pagkat nakakalibang ito kahuntahan at may pagka-kengkay. Walang pagbabago
pagkat si Jed pa rin ang kanyang
bukambibig, ni gusto ko na nga ibahin ang usapan kaso hindi magawa pagkat
natutuwa ako’t kinikilig pa, hindi malaman kung anong dahilan basta masaya
ako’t nagkakakulay ang bawat sandali sa tuwing binabanggit siya sa akin.
Nakakatuwa’t nagsama kaming dalawa na patay na patay sa kanya na hindi
mapagsidlan ang ngiti sa mukha. Ilang sandali pa nang magpaalam kami sa isa’t
isa. Tumungo pa ko sa OLFU-Regalado
upang kuhain kay Ma’am Paula ang
aking Evaluation Sheet. Pagkatungtong ng kanyang Guidance Office, saktong may
kausap ito, kaya di agad nakapasok. Isang oras pa ang hinintay bago ko siya
makausap.
11Q-Q. Balak pa sanang makipagkamustahan at kwentuhan sa
kanya, kaso may ginagawa ito’t may hinahabol naman akong oras pagkat bukas na
ang Deadline ng pagpapasa ng Practicum
Report. Nang maisyuhan ni Ma’am
Paula ng Evaluation Sheet, bumalik pa ko sa Main School upang ipalagda iyon
kay Sir Laus. Natuwa ako sa kanyang
ibinalita pagkat magkakaroon na ng Breakdown ang bayad para sa Psych Night, sa kadahilanang matumal
ang mga sumasali. Maigi na lamang at hindi pa ko nakakapagbayad dahil kapag
nagkataon ay sayang ang kwarta. Naawa lamang ako ng bahagya kay Sir Laus pagkat habang may tsinitsika
ito ay parang iilan lamang ang nakaka-appreciate sa kabaitang ipinapakita niya,
yung karamihan ay ang lalakas pa magreklamo. Aminado ako na isa rin sa
nagreklamo’t naglahad ng hindi magaganda hinggil sa gaganaping Psych Night dulot ng pagdududa sa
halaga ng bayarin nito subalit ngayon ay nabibigyang linaw na’t parang
nagsisisi sa mga sinabi. Matapos ang aming pag-uusap ay kaagad na kong umuwi.
11Q-R. Kinagabihan, muli kaming nagkasagutan ni ina dahil
lamang sa nilutong ulam. Paano’y kakapirambot lamang at hindi kakasya sa
sikmurang abot-langit ang pagkalam dulot ng pagtitipid kaya hindi mapigilan ang
magreklamo. Ang pagtatalo dahil sa ulam, nauwi na kung saan-saan. Habang
sinisermunan, pakiwaring walang karapatang magsalita kaya hindi na mapigilan
ang sumama ang loob. Iyan ang hirap sa kanila, sarili lamang nila ang
inuunawa’t pinakikinggan, wala talagang nakakaunawa sa akin maging sila na
pamilya. Dulot na patuloy na umiinit ang diskusyon pagkat nakikisali pa ang
ate, lumawig pa ng lumawig ang pagtatalo. Marunong akong tumanggap ng aking
pagkakamali subalit ang paratangan sa bagay na hindi naman ako, hindi
makakayang tanggapin. Humupa naman ang aming pagtatalo. Balak sanang gugulin
ang oras upang tapusin na ang Practicum
Report subalit dala ng dinadalang bigat ng kalooban, nawalan na ng gana’t
mas piniling matulog na lamang.
March 13, 2018
Tuesday
Year VI-072
11Q-S. Inagahan ko sa paggising upang magkaroon ng sapat
na panahong tapusin ang mga dapat ipasa’t makahabol. Bandang Alas-siete nang
makarating sa paaralan at kaagad na inasikaso ang paggawa ng Practicum Report. Dahil hanggang ngayon
na lamang ang pasahan niyon at sa kagustuhan talagang makahabol, naging
paspasan sa paggawa pagkat marami pa. Sa tiyaga at sigasig, makalipas ang isang
oras nang sa wakas ay matapos ko na rin at daglian nang ipapalimbag. Anong dami
ng mga nagpapa-print at sa haba ng pila, kailangan din ng mahabang pasensiya.
Oras ang binilang bago makapagpa-print at nang mai-compile na sa Clearbook,
wala nang sinayang pang oras sa pagtungo sa Faculty. Pagkatungtong, iilang
kamag-aral pa lamang ang naroroon na naghihintay subalit wala naman si Sir Ronan.
11Q-T. Ilang sandali pa nang dumating ito. Balak ko na
sanang magpasa, kaso nag-aalangan ako’t kilala ko ang professor na ‘yon na
pagtitripan ka muna kapag iisa lamang o kakaunti kayo bago mo makuha ang
kailangan sa kanya. Dulot ng pag-aalangan at pangamba, kinailangan ko pang
hintayin sina Hannah o Myrrh bago magpasa. Tumungo muna ako sa
Library at saktong naroroon sina Kim.
Sa dami nila na magsisipagpasa, nabago na ang aking pasya at hindi na kailangan
pang hintayin sina Hannah. Nang
matapos sila sa pagko-compile ng Requirements at makumpleto ang nilalaman ng Practicum Report, daglian nang tumungo
sa Faculty. Pagkabalik doon, hindi na mahulugang karayom ang dami ng mga
estudyanteng naghihintay.
11Q-U. Ikinahina ko ang sinabi nila pagkat Alas-sais pa
raw maaring tumanggap si Sir ng mga ipapasang Practicum Report at nagsisisi sa nagawa pagkat pinakawalan ang
pagkakataon na magpasa kanina, nakauwi n asana ako. Kung iisipin ay napakatagal
pa’t tanghali pa lamang kaya napapaisip nang bukas na lamang magpasa pagkat
nakakainip. Naroroon naman ang ibang professor at bakit hindi na lamang ipasuyo
sa kanila upang hindi na maghintay pa ng matagal, kailangan talaga siya porket
na ito’y Head at nakakayamot siya, sarap paliparin sa kalawakan o hambalusin ng
paulit-ulit! Naiinip man, sa kagustuhang makapagpasa ngayon ay walang ginawa
kundi maghintay at gumawa ng paraan upang matanggal ang pagkainip. Naisipan ko
munang libangin ang sarili sa pagkukumpyuter.
11Q-V. Nang malaman na nasa harap ng Registrar sina Nikki, kaagad ko silang pinuntahan.
Habang hinihintay ang pagbabalik ni Sir
Ronan, walang ginawa kundi makipagkwentuhan. Nalibang at ang saya muli ng
araw dahil kasama sila subalit maya-maya’y bahagya akong nakaranas ng pagsakit
ng ulo, dulot marahil ng maalinsangang panahon. Dala na sumasama na ang timpla,
napagpasyahang umuwi na’t bukas na lamang magpasa. Lalo pang sumidhi ang
pananakit ng ulo pagsapit ng gabi’t bukod sa masakit ay parang bumibigat din
ang Tiyan. Hindi ko na mawari kung ano ang nangyayari sa akin at mukhang
sasamain muli ng lagay. Sa takot na lumala ang kondisyon, idinaan na lamang sa
pahinga.
March 14, 2018
Wednesday
Year VI-073
11Q-W. Nawala na ang pananakit ng ulo’t maging tiyan kaya
maginhawang nagmulat ang aking mga mata at bumangon. Pagkaalmusal at dahil
masigla-sigla ang pakiramdam, naisipang gampanan ang gawaing bahay. Nang
makapaglinis sa loob ng bahay, pagtitinda ang sunod na inatupag. Pagsipa ng
tanghali, tumungo ako ng School upang magpasa ng Practicum Report. Pagkadako sa may faculty, minamalas muli ng lagay
pagkat wala nanaman si Sir Ronan,
walang ginawa kundi maghintay. Naisipan ko munang magtungo sa Guidance Office
at habang papatungo’y saktong namataan sina Hannah at Nadia, tumigil
muna ako. Pagkadaan ng Registrar Office at dahil ngayong araw ang simula ng
releasing of clearance, naging napakahaba ng pila. Balak na sana naming kumuha
ng Clearance subalit lubhang napakahaba ng pila’t usad pagong pa, mukhang
aabutin ng siyam-siyam kaya napagpasyahang bukas na lamang kumuha at asikasuhin
muna ang pagpapasa ng Practicum Report.
11Q-X. Pagkabalik ng Faculty, saktong naroroon na si Sir Ronan subalit hindi naman
makapagpasa, sa kadahilang may isinasagawang defense, habang hinihintay na
matapos ang defense ay nanatili muna sa Library. Pambihirang buhay ito’t
mukhang hindi muli papalaring makapagpasa ng Practicum Report. Dahil bagot ang bawat isa sa amin,
nagkanya-kanyang trip na lamang sa buhay para malibang. Pagpatak ng Alas-tres
at nang makitang kakaunti na lamang ang pumipila sa Registrar Office, pumila na
kami. Kasama ko si Grace sa pagkuha
at dahil hindi madalas tawagin ang Initial Letter ng aming apelyido upang
papasukin sa Registrar Office, natagalan pa bago makakuha subalit yung iba na
kakapunta pa lamang, walang kahirap-hirap at agad-agad nakakapasok, that is
unfair! Pagkakuha ng Clearance isa-isa na naming pinuntahan lahat ng
Departamento sa School upang magpapirma. Nakakatuwang isipin at damhin sa
dibdib pagkat kaunting hakbang na lamang ang kailangan, makakapagtapos na rin
sa pag-aaral na halos labing-walong taon ding iginugol.
11Q-Y. Nang makapagpapirma sa bawat department, bumalik
kami sa Faculty. Saktong naroroon si Sir
Jigo at nanghinayang ako sa kanyang sinabi pagkat nakauwi na raw si Sir Ronan. Pambihira talaga’t lagi na
lamang nabibigo subalit hindi naman napanghihinaan ng loob. Matapos ang aking
mga nabatid, hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa pag-uwi. Kinagabihan, muli
kaming nagtalo ni Mama dahil sa may napansin itong mali sa gawa kong Practicum Report. Grabe ang
pambabatikos na ginagawa niya sa akin kaya hindi muli mapigilang sumama ang
loob at nakipagsagutan sa kanya. Halos mapunitan na nga ng lalamunan sa
kakasigaw ng walang humpay habang nagtatalo’t sagutan. Humupa naman ang aming
bangayan kinalaunan. Hindi ko na talaga nagugustuhan ang mga nangyayari sa akin
sa mga nakalipas na panahon subalit gayunapaman ay mananatiling positibo at
malalampasan kung anuman ang kinakaharap basta manatiling may pananalig sa
taas.
March 15, 2018
Thursday
Year VI-074
11Q-Z. Bandang Alas-otso nang magtungo ako ng School at
saktong nakadaupang-palad si Hannah.
Bago magpasa ay sinamahan ko muna itong magpa-print. Ilang sandali pa at bukod
kay Hannah ay dumating na rin si Myrrh. Pagkatapos, kaagad na kaming
tumungo sa may Faculty. Wala nanaman si Sir
Ronan subalit ilang sandali pa nang mamataan namin ito. Bago nito tanggapin
ang gawa naming Practicum Report,
may ipinagawa pa ito sa amin. Habang ipinapasa ang Practicum Report ay humihilab ang kaba’t pangamba sa dibdib sa
takot na i-reject subalit hindi na kailangan pang dumaan sa butas ng karayom
pagkat kaagad din nito tinanggap, iyon nga lang ay panay talaga ang pangti-trip
sa akin ni Sir Ronan at sa halip na
matuwa’y nayayamot lamang.
11R-A. Nang makapagpasa’y nagpaalam na sa amin si Hannah at tumungo naman kami ni Myrrh sa library pagkat marami pang
aasikasuhin. Habang aligaga sa ginagawa ang pagdating naman ni Eloisa. Makulay nanaman ang kwentuhan
naming dahil sa kanya’t daming tsika na tila hindi nauubusan. Pagkatapos ay
tumungo kami ng Alumni Office Affairs upang magpasa ng form. May Picture pa
kong kailangang ipasa sa may Registrar Office kay kinailangan munang iwan si Eloisa. Medyo natagalan pa bago
magpa-develop ng picture, paano yung nauna sa akin na gumagamit ng Piso Net, napakakupad at iresponsable.
Ginawa ang Piso Net para mag-save ng
mga ipapalimbag na Documents o project, hindi yung gagawa ng project, sa
mismong Piso Net pa kaya ang
tagal-tagal at nakukuha pang mag-Facebook,
nakakairita!
11R-B. Hindi niya iniisip na may gagamit pa, di sana’y
nagrenta na lamang! Sa inip at dahil nauubusan na rin ng pasensiya kaming mga
naghihintay, hindi na maiwasang maglahad ng saloobin at hindi na inalintana
kung maririnig niya o hindi pagkat napakairesponsable niya talaga’t sarap
kaladkarin, nakakagigil! Dahil sa batugan at iresponsableng estudyante na ‘yon
na nakakagigil, inabot ng isang oras ang paghihintay ko’t muntik-mutikan nang
maubusan ng pasensiya. Kung kalian patungo ng Registrar Office upang magpasa ng
Two by two Picture ay nakasalubong si Elora.
Madami itong ikwinento sa akin na mahahalaga na may kinalaman kung bakit pinahinto
na ni Sir Laus ang Psych Night at nagimbal ako sa aking
nabalitaan.
11R-C. Nakakainis pagkat kasalanan ng iba, bakit
kailangan pa madamay ang mga wala namang ginagawa o sinasabi porket kasali
lamang sa nasabing Group Chat na tumutuligsa sa pamamalakad ni Sir Laus hinggil sa Psych Night. Mukhang magkakaproblema sa
pag-graduate dahil lamang sa mga kalokohang ginawa nila at di ko rin naman sila
masisisi kung nagpadala sa bugso ng damdamin. Matapos ang aming pag-uusap ay
dumeretso na ko sa Registrar Office. Manaka-naka lamang ang pumipila upang
kumuha ng Clearance kaya kaagad akong nakapagpasa ng Picture. Pagkabalik kung
saan ko iniwan si Eloisa, wala na
ito. Bago umuwi’y kumain muna ako. Anong init ng panahon kaya
magkanda-hilo-hilo’t sakit ang ulo ko pagkauwi. Kinagabihan at bukod sa
sumasakit ang ulo, tinamaan nanaman ako ng pagka-High Blood. Kung kalian magtatapos na ko, saka naman bumabalik ang
sakit at dalanging huwag ito maging hadlang upang maapigilan ang mga
minimithing pangarap.
March 16, 2018
Friday
Year VI-075
11R-D. Naibsan na ang pananakit ng ulo na dala-dala
kagabi kaya may kaginhawaang nagising at bumangon. Matapos ang halos isang
linggo na pabalik-balik sa paaralan upang asikasuhin lahat ng kailangan sa
pag-graduate, ngayon lamang magkakaroon ng oras makapagpahinga subalit
nakakaurat naman kung walang ginagawa’t maghapong nakahilata lamang kaya
naisipan ko munang magtinda. Bukod sa pagtitinda at dahil wala naman gaanong
bumibili, isinabay ko na ang gawaing bahay. Linis ditto, linis doon, ganon muli
ang aking ganap sa umaga’t sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay lagging may
nakaambang na alikabok. Nang makapaglinis sa loob ng bahay, balik sa
pagtitinda. Pagpatak ng tanghali, tumagaktak ang pawis sa tindi ng nararanasang
init at pakiwaring nasa loob ng hurno ang kalagayan.
11R-E. Walang ginawa kundi magtiis at gumawa ng paraan.
Nang humuhupa na ang init, nagtungo ako sa Ever
Gotesco Mall upang ipaayos ang Cellphone pagkat ilang linggo nang
nagloloko. Balak na sanang kumpunihan ng Technician,
kaso wala silang piyesa na pupwede sa Model ng Cellphone, naghanap pa ko kung
saan ang Cellphone Repair Shop hanggang sa maisipan na bilhan muna ng Battery
pagkat marahil ito’y namamatay-matay dahil sa luma na ang baterya nito.
Mapabuka ng laki’t husay ang bibig ko sa gulat nang malaman ang presyo ng
bateryang bibilhin pagkat kulang-kula na sa isang libo, no choice ako kundi
bilhin na upang mapakinabangan muli ang Cellphone.
11R-F. Bago tanggapin, naniguro muna ako kung hindi na ba
ito papatay-patay kapag sinalpakan ng bagong battery, medyo natagalan lamang
pagkat panay Optimize ang Phone at inabot ng halos isang oras bago iyon
matapos. Nang hindi nga ito namamatay-matay, mabilis pa sa guhit ng kidlat ang
pagkuha ng battery subalit di mapigilang mapaaray pagkat mahal, gayunpaman ay
nawa’y hindi ako magsisi sa naging pasya. Wala pang balak ipadpad ang yapak sa
tahanan kaya nagtungo muna ako sa Computer shop. Ganap nang namamayagpag ang
kadiliman nang makatungtong sa bahay at gaya ng mga nakalipas na araw at dahil
gutom na, ulam agad ang hanap-hanap. Maaga pa magigising bukas kaya maaga akong
natulog.
March 17, 2018
Saturday
Year VI-076
11R-G. Sa ganda ng napaginipan na animoy nasa palasyo ka
kapiling ang taong tinitangi-tangi ng loob, napasarap ang tulog ko kaya
tinanghali na sa paggising. Pagkaagahan, heto muli ako’t kailangan mag-duty sa
pagtitinda pagkat busy ang ilaw ng tahanan. Bago magtanghali, tumungo muli ako
ng School upang magpapirma ng Clearance kay Sir Laus para sa Guidance Office. Dahil bandang Ala-una pa ito
tatanggap ng estudyante upang pirmahan ang kanya-kanyang Clearance at napaaga
ang punta ko, pinuntahan ko muna si Nikki
sa Admission Office at nakipagkwentuhan. Maya-maya pa’y tumungo na ko kung saan
magpapapirma si Sir Laus at saktong
nagkatagpo kami ni Eloisa, wala
muling humpay ang aming kwentuhan.
11R-H. Sumapit na ang Ala-una subalit wala pa rin si Sir Laus sa Testing Room pagkat may
Conference pa ito. Dahil nabatid namin na pakakantahin ng OLFU-Hymm bago pirmahan ni Sir
Laus ang clearance, nag-ensayo muna kami. Kahit nahihirapan sa pag-ensayo
dahil kapwa hindi kabisado ang liriko ng himuno, masaya naman dahil di maiwasan
ang lokohan at asaran sa isa’t isa, lalo na kapag nasisintunado ng lagay.
Because of them, my day came glad again. Lumipas ang mga sandali na hindi pa
natatapos ang conference ni Sir Laus
kaya napapaisip nang umuwi subalit nagawa pa ring maghintay kahit naiinip na.
Pagpatak ng Alas-tres nang sa wakas, nasa Testing Room na si Sir Laus at sa dami’y batalyunan kaming
pumasok. Nagsalita muna si Sir hinggil sa mga nagreklamo sa Psych Night.
11R-I. Sa mga inilahad ni Sir Laus ang lalo pang nagbigay linaw sa isipan at aminado ako na
isa rin sa nagreklamo subalit sa kabila niyon ay naging maingat naman sa
sinasabi, hindi katulad ng iba na naglahad ng mabibigat at hindi magagandang
salita kaya nahaharap sa kaso. Natutuwa ako’t nagpapasalamat dahil hindi
hinayaan ng Diyos na mapahamak dulot lamang ng pagiging matalas ang dila at
labas na labas sa isyu. Mabait si Sir, alam naman marahil na nakakarami subalit
ang problema, iilan lamang ang nakaka-appreciate sa kanyang pamamalakad at ang
lalakas pa magreklaso yung ilan, na siyang kinaiinis ko. Akala naman kasi nila,
inaagrabyado subalit ang totoo’y tinutulungan sila!
11R-J. Matapos magtalumpati ni Sir na napakahaba subalit
nakakakurot ng damdamin, pinakanta niya kami ng OLFU-Hymn. Animoy nangangaroling lamang sa bahay-bahay pagkat
sabaw-sabaw at tila nakainom. Nang makakanta ang lahat ng pangkat sa amin, isa-isang
pinirmahan ni Sir an gaming Clearance at nang ako, bigla niya kong niyakap ng
may higpit at nagpaalam sa isa’t isa. Bukod sa mga kaklase’y sobrang mami-miss
ang mga professor na napalapit sa akin gaya ni Sir Laus. Umuwi akong nababalutan ng tuwa ang dibdib pagkat kaunti
na lamang ang kailangan papirmahan at makakalayas na sa paaralan na iyon
subalit nakakalungkot dahil iiwan ko na ang pangalawang tahanan na humubog sa
aking kaalaman nang apat na taon. Kinagabihan, panonood ng Telebisyon ang inatupag
at matapos ay matutulog na.
March 18, 2018
Sunday
Year VI-077
11R-K. Inabutan nanaman ng liwanag sa labas sa paggising
at pagkaalmusal, pagtitinda agad ang inatupag ko. Dahil may pinuntahan sina
Mama, walang ginawa sa buong umaga maging sa pagpatak ng hapon kundi magtinda.
Pagsapit ng Alas-dos, tumungo muli ako sa Ever
Gotesco Mall upang ipapalit o isauli na ang nabiling battery pagkat kung
hindi namamatay ay mabilis ma-low batt at pakiwaring iniisahan lamang ng
nagbenta. Dahil magkikita kami nina Mama roon upang samahan nila, hinintay ko
pa sila bago pumasok. Sa tagal nila’t dala na abot-langit na ang kagutuman sa
Sikmura, hindi na napigilan pang kumain. Kahit halos mamuti na ang buhok sa
kakahintay, nagawa ko pa ring magtiyaga pagkat may inaasahang may nilaga. Higit
isang oras din ang nakaraan nang makatagpo ko na sina Mama at kaagad na kaming
tumungo kung saan pinagbilhan ng battery ng Cellphone.
11R-L. Balak na sana naming magpa-refund pagkat
pakiwaring hindi original ang naibigay na battery, dahilan ng madalas na
pagka-low batt ng cellphone, subalit hindi pumayag ang Sales Gay at pinalitan
lamang nito ng bago na hindi malaman kung saan kinuha kaya abot-langit ang
pagdududa ng ate. Gawa na nagdududa, nagawa na nitong tarayan. Kung ako
tatanungin, nararapat nang ibalik ang bayad para hindi na kami pabalik-balik at
pare-parehong maaabala kapag nagkaaberya. Laking pagsisisi ko lamang at naging
mapanuri sana bago tumanggap. Sa nangyayaring iyon, mukhang nagoyo ako subalit
ayos lamang at sa halip na sisihin at laitin ang sarili, ituturing ko na lamang
ito na isang aral, aral na siyang magsisilbi upang hindi na magpaloko sa
susunod. Nang makitang gumagana naman ng maayos ang Cellphone sa bagong
isinalpak na baterya, umalis na kami’t nawa’y mapakinabangan na ng husto.
11R-M. Bago umuwi, tumungo muna kami sa Restaurant. Sa Bon Chon namin naisipang kumain at
masabik ang mata’t kuminam pa nga sa inorder na halo-halo na kung tawagin ay Bingsu pagkat hindi lamang ito basta
halo-halo, may sangkap itong sorbetes sa ibabaw na hindi lamang iisa at
pangkaraniwang lakin ng scoop kundi malaki’t madami. Sa dami ng sangkap,
mukhang hindi kakayanin ng mag-isa lamang subalit sa sarap, nakaya kong ubusin
at bukod sa nabusog ay muhang napapapururot na. Abot kaya rin ang Bingsu pagkat wala pa sa isang daan ang
halaga’t tamang-tama ngayong nalalapit ang panahon ng Summer. Habang
nagsasalo-salo, biglang namatay ang Cellphone, balak sanang magkuhaan ng
litrato magkakasama kaya napagpasyahan naming bumalik. Buong-buo na ang aming
loob na magpa-refund pagkat low class at local pa ang ibinigay na battery at
nakiusap subalit nagmatigas sila’t ang ginawa’y pinalitan nanaman kaya hindi
mapigilan ang magningas ang nasa loob at bakit ganon sila, pinahihirapan ang
Costumer!
11R-N. Nauunawaan ko sila na kailangan ng pera para may
maipangtustos sa lahat ng pangangailangan sa araw-araw kaya nagagawa iyon
subalit hindi hindi rin tama ang kanilang ginawa, yaong nanggigipit at pasakit
kaya ang ate, muling umangat ang kilay at nagpakawala ng mapupusok na salita,
muntikan nan gang mauwi sa pagtatalo. Sa huli at kahit tatlo na kaming
nakikusap, sila pa rin ang nasunod at sinabing kailangan munang hingin ang
pasya ng kanilang manager bago mag-refund. Naiinis ako sa kanilang sistema’t
dapat sa ganon ay inirereklamo na sa kinauukulan pagkat hindi na makatarungan
ang kanila ginagawa! Umuwi akong nababalutan ng panghihinayang subalit hindi
napanghihinaan ng loob at hangga’t may nakikitang paraan, hindi ako titigil
hanggang sa makuha ang nararapat.
March
19, 2018
Monday
Year VI-078
Monday
Year VI-078
11R-O. Ang bilis talaga ng takbo ng panahon at hindi
namamalayang sumipa muli ang araw ng Lunes, unang araw muli ng pagbabalik
opisina para sa linggong ito subalit suspendido naman ang mga klase dahil sa
isinasagawang tigil-pasada. Wala man pasok ngayong araw, tumungo pa rin ako ng
School upang paghandaan ang nalalapit na Case Presentation. Mistulang Ghost
town ang buong campus pagkat maraming kantina at Computer shop ang sarado, ang
tahimik tuloy. Maya-maya pa at sa hindi inaasahan ay nagkaroon ng aberya dahil
biglang namatay ang aking cellphone, iyon pala, nag-drain nanaman ang baterya.
Hindi na tuloy ako makagawa ng Case Presentation kaya itinigil muna’t
nakisaksak sa kakilalang mga nagtitinda na katabi sa Campus namin. Tumungo muna
ako sa Guidance Office upang kausapin si Sir
Laus pagkat hanggang ngayon na lamang ang bayaran para sa Psych Night. Pumayag naman ito na
magbayad ako kahit bukas o sa ibang araw.
11R-P. May iba pa kaming napag-usapan kaya napatagal ako.
Ilang saglit pa, bumalik ako kung saan naki-charge ng cellphone. Mukhang naloko
ako ng nagbenta ng battery pagkat bukod sa madaling ma-lowbatt, ang bagal
mag-charge at nanatiling mahina kahit isang oras nang nakasaksak, kaya sa
puntong iyon, wala nang ibang maramdaman kundi pagkabanas. Iyan kasi ang hirap
sa akin, basta-basta nagtitiwala kaya pagdating sa huli, madalas nagsisisi kaya
abot langit na ang nararanasang inis, idagdag pa ang init ng panahon. Dahil sa
pangyayaring iyon, dali-dali na kong tumungo sa Ever Gotesco Mall upang magpa-refund.
11R-Q. Pagkatungtong, nadagdagan ang aking pagkaimbyerna
pagkat naka-leave ang nagbenta sa akin ng battery kaya napagpasyahang yung
manager na lamang nila ang kausapin subalit kinailangan ko pa maghintay ng
isang oras pagkat may pinuntahan raw ito. Nayayamot man ng lagay na tipong ibig
nang ipamalas ang natatagong langitngit subalit pinili ko pa rin magmakaawa
upang i-refund na ang bayad. Pumayag naman sila, ang kaso nasa manager nila ang
desisyon. Upang hindi mabagot sa paghihintay, tumungo muna ako sa Expression at nilibang ang sarili sa
pagbabasa. Maya-maya pa’y bumalik ako sa kanilang store at saktong naroroon na
ang kanilang manager. Kaagad akong nakiusap sa kanya subalit sa halip na
i-refund, binigyan niya ko ng panibagong battery.
11R-R. Maging siya’y pumayag na i-refund ang ibinayad, sa
kondisyong gaya pa rin sa mga naunang battery ang nangyayari’t kumagat naman
ako. Nang masubukan, gumagana naman ng maayos subalit hindi ko pa rin ibinigay
ang buo ang tiwala kaya hindi sigurado kung hindi na ba magkakaaberya kapag
ginamit, sana nga. Matapos ang aming napagkasunduan, kaagad na kong umalis.
Walang gaanong bumibiyahe na Jeep dulot ng strike kaya piniling maglakad na
lamang, kahit katirikan ng araw. Pagdating sa bahay at dala ng pagod, kaagad na
nagpahinga. Saktong naghihingalo na ang liwanag nang magising at wala nang
ginawa hanggang sa pagsapit ng gabi kundi itututok ang mata sa panonood ng
Telebisyon.
March 20, 2018
Tuesday
Year VI-079
11R-S. Dumating nanaman ang panibagong umaga sa pagmulat
ng aking mga mata na maginhawa’t tila nakangiti ang kakasikat pa lamang na
haring araw. Gaya ng mga nakalipas na araw at matapos mag-agahan ay pagtitinda
ang aking inatupag. Dahil mamaya na ang aming Case Presentation, habang walang
bumibili’y sinamantala ang oras sa paggawa niyon at inihanda ang sarili. Sa
dami ng kailangan ilagay at sa sobrang abala ko, hindi namamalayang malapit na
palang sumapit ang tanghali. Maya-maya pa’y naghanda na ko subalit medyo nag-aalangan
na magtungo ng School pagkat may tigil-pasada muli’t hindi malaman kung pupunta
ba ang mga kasamahan o kaibigan. Saka ko lamang nalamaan na nasa School na
sila, kung kalian patapos na ang oras ng Case Presentation kaya hindi na ko
tumuloy pa’t naisipang bukas na lamang.
11R-T. Balik ako sa pagtitinda at para matanggal ang
pagkabagot, naisipan kong mag-practice ng sayaw. Dahil ngayon ko lamang ito
ginagawa pagkat hindi naman bihasa sa pagsasayaw, magkandapagod-pagod ako ng
lagay habang sumasayaw at sumasakit na rin ang katawan subalit nagawa pa rin
umindak kahit pinagtitinginan na ng mga dumadaan at iniisip na takas sa mental
hospital. Saka lamang ako tumigil sa pagsasayaw ng maramdamang nilukaban ng
lakas at nag-siyesta. Kinagabihan at
dahil nababagot at walang makausap pagkat may kanya-kanyang pinagkakaabalahan
ang kasamahan sa bahay, nilibang muli ang sarili sa panonood ng Telebisyon.
March 21, 2018
Wednesday
Year VI-080
11R-U. Mataas na ang sikat ng araw sa labas at
nag-uumapaw na rin ang ingay sa labas dahil sa tsismosa naming kapit-bahay nang
ako’y magising at bumangon. Dahil ngayong araw na ko sasalang para sa Case
Presentation, wala nang sinayang pang oras at pagkaalmusal ay daglian nang
tumungo sa paaralan, Hindi ko na maiwasang kabahan at dalanging kayanin kung
anuman ang posibleng mangyari sa pagharap ko sa mga panel. Dulot ng trapik,
dakong Alas-dyis nang makatungtong ang makinis na yapak sa paaralan. Iilang
kamag-aral ko pa lamang ang nadatnan sa harap ng faculty na naghihintay at
kahit nakapag-present na ang karamihan sa mga kaibigan kahapon, masaya pa rin
pagkat naroroon si Siena at siya
lamang kapalitan ko ng dila habang hindi pa nakasalang sa Case Presentation. Sa
takot na pagkatuwaan ni Sir Ronan at
kung ano-ano ang ipagawa sa akin kapag mag-isa pagkat maloko siyang professor,
nakisabay na lamang ako kina Janna.
Muling nayamot ang nasa loob pagkat habang niningil kami ni Siena para sa pagkain ng mga professor,
hindi man lamang kami nagawang ialintana’t may kanya-kanyang mundo lalo na si James (Malilin) na nakuha pa kong
irapan.
11R-V. Naiinis man, nagawa pa rin makitungo ng maayos at
dala na hindi nakapaghanda ng pera ang karamihan sa amin kabilang ako,
napagpasyahang itigil na ang paniningil. Maya-maya pa’y pumasok na kami’t
nag-present. Naging madali lamang an gaming case presentation, ni hindi na nga
ako nagsalita subalit itong si Sir Ronan,
muling inandaran ng kalibugan kaya bago nito pirmahan an gaming clearance,
pinakembot niya pa kami sa pader habang nakataas ang kamay. Labag man sa
kalooban pagkat naroroon ang kasamahan niyang mga professor maging si Sir Jigo na nasa harapan lamang namin,
sinunod ko pa rin ang ipinapagawa ni Sir alang-alang sa Clearance. Walang ibang
maramdaman kundi pagkahiya’t inis at isinusumpa ko ang professor na yun pagkat
hindi na tama ang ipinapagawa niya sa amin, ang lakas mang-trip at ginagawa
niya kaming parausan.
11R-W. Natatawa na lamang ako habang kumekembot at
binilisan at tinigasan na lang para hindi mahalay. Saka lamang nakahinga ng
maluwag matapos ang kahihiyang pinagawa nito sa amin at mapirmahan ang
clearance, sa totoo lamang ay na-trauma ako. Tumungo pa kami ni Siena sa Jolibee upang bilhan ng pagkain sina Sir Ronan. Pagkabalik at bigay ng pagkain, tumungo naman kami sa
Dean’s office upang magpapirma ng Clearance. Habang hinihintay mapirmahan ang
Clearance, nanatili muna kami sa Conference room at walang ginawa kundi
magkwentuhan. Ilang sandali pa, pumasok si Roxanne
at nagulantang kami sa balita nito nang sabihing hanggang ngayong araw na
lamang ang pasahan ng Clearance sa Registrar Office.
11R-X. Bandang Alas-dose nang mapirmahan ng Dean ang
Clearance at pagkakuha, daglian na kaming pumila sa Registrar Office. Dinaig pa
ang haba ng buhok ni Rapunzel ang
pila’t nakakapanghina ng loob pagkat mukhang aabutin ng siyam-siyam bago
makapasok sa Registrar Office. Buti na lamang at kasama ko si Siena kaya hindi naman nainip sa
pagpila. Dahil hindi first come first serve ang sistema ng pila kundi tatawagin
ang initial letter ng iyong apelyido base sa mga Evaluator para makapasok sa
office, saktong kakaunti lang ang nakapila sa Evaluator ni Siena kaya kaagad itong nakapasok at nagpaalam na sa kanya, wala na
tuloy akong kausap. Tatlong oras na nakapila subalit hindi pa natatawag ang
aking letra, ang nakakainis pa, sumisingit ang mga bagong dating pa lamang at
pumapasok sa office kapag nagtatawag ang gwardiya, kahit hindi naman ni letra.
11R-Y. Palibhasa, hindi naman tinitingnan ng gwardiya ang
clearance ng estudyante at basta-basta lamang ito nagpapasok kaya natatambakan
at kawawa kaming mga nagtatiyagang pumila. Makalipas ang ilang sandali, biglang
nagkagulo’t letse-letse ang pila, paano gumawa ng panibagong pila ang gwardiya,
marahil para sa mga evaluator na may kakaunti lamang na hawak na estudyante
kaya halos stationary na kami’t unti-unti nang nauubusan ng pasensiya. Alas-singko
na, hindi pa rin kami nakakapasok pagkat hindi umuusad kaya itong si Joan, lakas-loob nang kinompronta ang
gwardiya. Maski ako’y nayayamot pa pagkat kanina pa nakapila, tapos ang
gulo-gulo pa’t ano bang klaseng Sistema ang mayroon sila! Sa nangyayaring ito’y
mukhang nagsasayang lamang ako ng oras.
11R-Z. Sa yamot naming mga naghihintay, hindi na
mapigilang maghiyawan at magsisigaw-sigaw at umiinit na ang tensyon pagkat nagkakagulo
na, sa dami ba naming mga estudyante. Dahil hindi na matino ang pila at sa
yamot, hindi na ko nagdalawang-isip pa na komprontahin ang gwardiya. Saka lamang
naayos ang pila’t bumalik sa dati, nang umaksyon si Sir Max at umuusad na kahit papaano. Sa haba ng pila naming
magkakaletra na pasok sa range na hawak ng aming Evaluator, inabutan na ko ng
gabi. Matapos ang pitong oras na paghihintay sa pila, sa wakas ay nakapasok na
rin sa office at nakapagpasa ng Clearance. Record breaking ang nangyari sa akin
pagkat first time sa tana ng buhay na pumila ako ng napakatagal at umabot ng
halos walong oras. Pagkauwi at dala ng matinding gutom pagkat hindi nakapagpananghalian,
diretso ako sa paglamon. Kahit hindi biro ang nangyari sa akin ngayong araw,
pasalamat pa rin pagkat kinaya ko’t kakayanin kahit ano pa yan basta may
pananalig.
March 22, 2018
Thursday
Year VI-081
11S-A. Nawala na ang pananakit ng paa na dulot ng
maghapong nakatayo sa pila kaya may kaginhawaan pa ring nagising at nakakatuwa
dahil wala nang aasikasuhin pa para maka-graduate at tanging gagawin na lamang
ay maghintay ng isang buwan bago ang Graduation Day. Dahil walang gagawin
ngayong araw kundi ngumanga sa paghihintay para magtapos, pagtitinda muli ang
inatupag ko. Wala muling ginawa sa buong umaga kundi magtinda’t magsulat na rin
ng kwento habang walang bumibili. Kinahapunan at dahil bukas na gaganapin ang aming
ikalawang Psych Night, nagtungo ako
sa bayan upang bumili ng susuoting Pajama pagkat iyon ang magiging tema ng
nasabing program. Dahil Pajama lamang ang kailangang suotin, hindi naging
mahirap pagkat kahit saan, makakahanap at makakakita nun subalit hindi naman
mabili pagkat makabutas bulsa ang halaga lalo na kapag terno.
11S-B. Dahil kulang ang dalang pera, sa huli’y
pang-ibabang Pajama lamang ang nabili ko. Bibili sana ako ng damit na aangkop
sa biniling Pajama subalit hindi na kaya ng pitaka ko. Sa halip na umuwi,
tumungo muna ako ng School upang kausapin si Sir Laus pagkat napagpasyahan kong mag-perform bukas sa Psych Night, nakakatawa’t hibang man
isipin. Mabilis pa sa guhit ng kidlat kung pumayag si Sir Laus at goodluck sa akin bukas, nawa’y maging matagumpay ang
aking pagtatanghal bukas. Hindi ko ito gagawin sa kadahilanang magpasikat at
pakitang gilas, bagkus ay maranasan kung paano mag-entertain ng mga manunuod at
patatagin na rin ang kumpiyansa sa sarili. Walang masama kung susubukan ito’t
magandang pagkakataon na ito upang lumabas sa mundong aking kinasasadlakan na
matagal nang kinakaharap.
11S-C. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi’t pagkahapunan,
sinimulan ko nang mag-ensayo. Mabuti na lamang at nakapag-practice na ko nitong
mga nakalipas na araw kaya hindi na nahihirapan at kaunting steps na lamang ang
kailangang ensayuhin. Kahit walang papepremyo, sapat na sa akin na mapasaya’t
aliw sila. Magkandapagod ako habang nag-eensayo’t sumasakit na rin ang katawam
subalit kahit lumalalim na ang gabi’y nagpatuloy pa rin ako para hindi
magkalat. Bandang Alas-onse nang mapagpasyahan kong itigil ang pagsasayaw at
matulog.
March 23, 2018
Friday
Year VI-082
11S-D. This is it at magkahalong sabik at kaba ang
naghahari sa dibdib pagkat mamayang gabi na aming Psych Night at kasabay niyon ang aking pagtatanghal sa maraming mga
estudyante, kasama na rin ang mga Professor. Pinili ko ang ganito at nawa’y
kayanin ng loob kung anuman ang kahihinatnan. Sa umpisa lang marahil
kinakabahan subalit masasanay din kapag nagtagal o madalas. Pagkaangat ng
sarili mula sa higaan, kaagad nang nag-ensayo ng sasayawin, ni nakalimutan na
ngang mag-almusal. Sa kakasayaw, halos maubusan na ng lakas at sumakit ang mga
kasu-kasuan subalit kinakaya pa naman pagkat determinadong makapagbigay aliw at
kwela’t makapaghanda ng maigi. Maya-maya pa, tumungo na ko sa School upang
magpalista kina Sir Astrid sa
performance. Mabuti na lamang, kaagad ko siyang nasumpungan kaya hindi naman
nagtagal ang paghihintay. Nang makapag-rehistro’t dahil wala pang balak ang
isipan na umuwi, nagkumpyuter muna ako.
11S-E. Pagkauwi’t dala ng pagod, hindi na nakapag-ensayo
pa, mas pinili munang magpahinga para makalikom ng lakas sa maghapong
pakikibaka hanggang gabi. Bandang Alas-dos nang magmulat ang mga mata’t
pakiwaring pagod pa rin subalit hindi iyon naging hadlang upang hindi
makapag-practice. Walang ginawa sa halos buong maghapon kundi paghandaan ang
napipinto kong pagtatanghal sa entablado at iyon ay pagsasayaw na unang beses
pa lamang gagawin pagkat wala sa hilig ko ang sumayaw. Kinakabahan man,
kailangan magpakatatag. Naging abala ako sa paghahanda para sa Psych Night kaya hindi namamalayang
Alas-singko na’t kailangan ko nang magbihis. Dahil Pajama ang tema ng aming
program, nakasibilyan lamang na nagtungo sa paaralan at doon na naisipang
magsuot ng Pajama, mahirap na’t baka isipin na nakawala sa Mental Hospital.
11S-F. Dala na naipit sa trapiko, bandang Alas-sais nang
makatungtong ako sa Athletic Center,
kung saan gaganapin ang aming Psych
Night. Saktong hindi pa nagsismula ang programa subalit marami na ang
nagsipagdalo, dahilan kung bakit nahirapan nang makahanap ng mapupwestuhan
hanggang sa makita ko sina Eloisa at
sa kanila na nakipwesto. Mistulang magsisipagtulog kaming lahat sa Atlethic Center pagkat nakapangtulog na
suot, yung ilan nakuha pang mag-boxer at Pekpek
Short subalit naka-pajama ang karamihan. Nakakapanibago lamang pagkat ang
mga table, walang stand kaya hindi na kailangan pa ng upuan at uupo ka lang sa
papag. Bandang Alas-siete nang magsimula ang program na pinangunahan ni Sir Laus at walang ibang maramdaman
kundi saya at pagkasabik. Nagkaroon ng ilang programa’t nang sina Sir Astrid at Sir Emman ang magtanghal, hiyawan ang halos lahat sa kilig na rin
marahil nang biglang pumasok si Kalvin
at punasan ng bimpo sina Sir Astrid.
Yung mga kasamahan ko naman, panay pilit sa akin na magtungo sa entablado’t
makipagsapawan kay Kalvin sa
panglalandi.
11S-G. Mahiyain
akong nilalang kaya walang balak makipagsabayan sa kanila’t bahala na si Kalvin kung ano ang ibig nitong gawin
subalit nang si Sir Jigo na ang
pumilit, tumiklop ang kaninang ako na nagmamatigas, hindi ko mawari kung bakit
at napilitang magtungo sa stage. Sa halip na tuwa’y para akong binabangungot
habang ginagawa kung ano ang ginagawa ni Kalvin
at pakiwaring nalulunod na sa kahihiyan subalit kinakaya pa rin, basta
makapagbigay kwela sa mga manunuod, kahit mapunitan na ng ngala-ngala nila sa
kakatawa. Kung si Sir Jigo o si Jed lamang ang kumanta, hindi na ko
magdadalawang isip at hindi sasayangin ang bawat sandali. Pagpatak ng
Alas-nuebe, sa wakas ay Catering time na’t sa dami namin, mistulang pila lamang
sa Registrar Office ang ganap pagkat napakahaba.
11S-H. Habang
nagsasalo-salo kami sa iba’t ibang putahe, biglang nagkaproblema nang
matuklasang namatay ang aking Cellphone, iyon sana ang gagamitin para sa aking
solo intermission number kaya hindi mapigilang ma-stress. Marami pa ang hindi
nakakapag-perform at napanatag naman ang aking kalooban pagkat tingin ko, hindi
na matutuloy pa pagkat kakapusin sa oras. Nagkaroon pa ng mga Intermission
Number mula sa Third Year at ibig ko nang umuwi pagkat nawawala na ang
enjoyment, lalo na’t hindi naman makapag-picture pagkat biglang na-lowbatt ang
cellphone, isa pa’y kapansin-pansing mas masaya ang Psych Night nung nakaraang taon kung ikukumpara ngayon, paano’y
walang Stand-up Comedian at nakakabagot ng lagay. Pagpatak ng Alas-dyis, Disco DJ na’t naging maingay at
napakagulo ng buong Atlethic Center.
11S-I. Hindi man ako nabigyan ng pagkakataong
makapagtanghal sa entablado’t magbigay kwela sa mga manunuod lalong-lalo na sa
taong pinipintig ng puso, ayos lamang. Marahil ay ayaw ng Diyos na mapahiya
ako’t may tamang panahon para diyan. Habang nakikipag-umpugan ako sa
pagsasayaw, pakiramdam ko, malayang-malaya ako’t nailalabas kung ano ang ibg ng
pakiramdam. Ang sarap at saya lamang sa pakiramdam na lahat ng gusto mo,
nagagawa’t walang pumipigil, sana ganoon na lamang palagi. Dahil pagod na’t
sumasakit na ang katawan, hindi rin ako nagtagal sa pagsasayaw. Bandang
Alas-onse nang makauwi ako’t nakakalungkot isipin na lahat ng masasayang
pangyayari habang ako’y nasa kolehiyo, natapos na’t tila hirap iwanan.
Gayunpaman, umaasa akong darating pa ang bagay na mas higit kaysa sa aking mga
naranasan, ang masaya’t hindi malilimutang karanasan.
March 24, 2018
Saturday
Year VI-083
11S-J. Dahil bagsak na bagsak ang katawan kagabi dulot ng
maghapong pakikibaka para paghandaan ang Psych
Night at pagtatanghal sa entablado na hindi naman natuloy, tinanghali na ko
sa paggising. Masakit pa rin ang katawan ko kaya hindi gasinong
nagkikilos-kilos at mas piniling magtinda na lamang. Habang nagtitinda’t para
hindi mamuti’t luwa ang mata sa kakahintay ng mamimili, sinamantala ang oras sa
pagsusulat ng kwento. Bandang tanghali nang itigil ko ang pagbabantay sa
tindahan upang mananghalian. Kinahapunan, naisipan kong magkumpyuter.
Magkahalong pandidiri’t gimbal ang naramdaman ko nang mapanuod sa Facebook kung paano katayin ang isang
lalaki na kanilang bihag at parang hayop kung karnihin pagkat pinaghihiwa ang
katawan.
11S-K. Kahit may pagkatakot sa dibdib, itinuloy ko ang
panunuod at para akong nasasaktan pagkat bukod sa kinakarne, pinagkukuha pa ang
mga lamang loob at muntikan nang masuka. Hindi na bago sa akin ang gawain ng Cannibalism subalit nanindig talaga ang
balahibo ko nang mapanuod at dinaig pa nila ang demonyo pagkat bukod sa
kinakatay, sinasaktan pa. Sa lakas ng impact ng Video, para akong na-trauma’t
tulalang nakauwi ng bahay. Kinagabihan at dala na hindi pa madalaw ng antok,
nanuod muna ako ng dokumentaryo.
11S-L. Patungkol sa mga taong talipa ang pag-iisip ang
aking natunghayan at kaawa-awa ang kanilang kalagayan habang naka-confine sa
Mental Hospital na kung tawagin ay National
Center for Mental Health pagkat madumi at nagkakandahawa-hawa sila sa
taglay ng sakit ng kanilang kasamahan. Kung iisipin ay paano nga naman sila
gagaling kung ang kalagayan nila, mistulang mga preso’t walang maayos na
matutulugan. Marahil at kung doon ako nag-intern, baka mahawa na ko ng kanilang
kabaliwan pagkat araw-araw na iyong pagpasok, sila ang makakasalamuha mo na
samu’t sari ang ipinapakitang abnormalities. Ibig ko silang tulungan at
gamutin, kaso paano’y kung napanghihinaan ng loob at marahil ay doon muna ako
mag-focus, ang patatagin ang loob. Inabot na ko ng hating-gabi kaya kinailangan
nang matulog.
March
25, 2018
Sunday
(Palm Sunday)
Year VI-084
Sunday
(Palm Sunday)
Year VI-084
11S-M. Linggo nanaman pala ng Palaspas, hudyat ng
pagsisimula ng isang linggong pagninilay at pag-aayuno. Wala muling magawa kaya
pagtitinda ang aking pinagkaabalahan. Dahil araw ng Linggo, naging paspasan sa
pagkilos pagkat maya’t maya’y may bumibili, puro pawang mga Sigarilyo lamang
ang nabebenta’t kakapasok pa lamang ng Semana Santa subalit panay pa rin
makahithit-buga ang mga tambay sa amin. Walang ibang ginawa sa buong umaga kundi
magbantay sa tindahan maging sa hapon. Dahil nababagot ng lagay ang lola niyong
nag-uumapaw sa kagandahan, naisipan ko muling sumayaw. Hindi lamang ako
makapag-practice pagkat namamayani ang hiya, lalo na’t sa tindahan isinasagawa
ang pagpa-practice at may mga dumadaan pa, hindi ko naman sila mapipigilan
pagkat hindi ako ang may-ari ng daanan. Naiinis lamang ako, bakit may mga taong
nuknukan sa pagka-epal at hindi na lang sarili nila ang intindihin. Saka lamang
ako nakasayaw ng tuluyan at may laya nang si Mama na ang magbantay sa tindahan.
11S-N. Kaagad akong nakaramdam ng pagod kaya hindi rin
nagtatagal ang pagsasayaw ko. Kung kalian patakip-silim na, sa hindi inaasahan
ay muling sinumpong si Mama na kakaiba. Akala ko, tuloy-tuloy na ang kanyang
paggaling subalit nagkakamali pagkat balisa nanaman ito gaya nung nakaraan.
Sinabi nito na nade-depress daw siya, inalam ko ang dahilan at sa totoo lamang
ay nahihirapang ipaliwanag ang kanyang kalagayan. Dahilan ng kanyang
pagka-depress ang kanyang Frustration kaya walang ginawa kundi payuhan ito’t
patatagin ito. Ang ate naman na siyang palaging nagbabantay kay ina nung
panahong may kondisyon ito, sumusuko na. Sa kabila na hindi biro ang mga
dumadaan na pagsubok, mananatiling matatag at pagsubok lamang ito na kailangang
harapin at lampasan. Marahil ay sinusubok nanaman kami ng Diyos upang maging
mas lalo pang matibay.
March
26, 2018
Monday
Year VI-085
Monday
Year VI-085
11S-O. Lunes Santo at panibagong umaga muli ang
kakaharapin na may sigla’t pag-asa sa kabila na may suliraning kinakaharap.
Sumagi lamang sa aking isipan na eksakto apat na taon na pala ang nakakaraan
nang makapagtapos ako sa High School, tapos ngayon, magtatapos na sa College at
nakakatuwang isipin na lahat ng hirap at pagod habang ginugugol ang sarili sa
pag-aaral sa kolehyo ng apat na taon, nagawang lampasan at ngayon ay malapit
nang magkabunga. Batid kong ang pagtatapos sa pag-aaral ay hudyat ng
pagsisimula pa lamang ng panibagong yugto sa buhay at nawa’y kayanin ko kung
anuman ang mga kakaharapin at patatagin ng Diyos ang loob. Wala naman bagay na
imposible kung mananalig ka at magtitiwala sa sarili, kaya iyan!
11S-P. Pagkabangon ng prinsesang kagagaling lamang sa
mahimbing na pagtulog, heto muli ako’t buhay tindera. Hindi gaya ng kahapon,
bibihira lamang ang mga bumibili. Wala magawa’t upang hindi mainip sa
kahihintay ng mamimili, nagbasa-basa na lamang ako. Pagpatak ng tanghali, dama
nanaman ang maalinsangang panahon, dahilan kung bakit hindi naging masarap ang
aking beauty rest at halos maligo na sa sariling pawis. Kinahapunan at dahil
wala muling magawa, nilibang na lamang ang sarili sa panunuod ng Telebisyon.
Kinagabihan at dahil hindi pa muli dinadalaw ng antok, panunuod muna ng Video
ang inatupag.
March
27, 2018
Tuesday
Year VI-086
Tuesday
Year VI-086
11S-Q. Martes Santo at dahil bakasyon grande, tinanghali
muli sa paggising. Wala muling magawa at dahil nakakasawa nang magtinda-tinda,
sa halip na magbukas ay pag-e-edit ng Video ang aking inatupag. Sa totoo lamang
ay hindi biro ang maging isang Video Editor at kailangan nasa timing para suwak
panoorin. Habang aligaga ako, may napansin na tila kanina pa sila may
pinagkakaguluhan na malapit sa aming bakuran, nakiusyoso ako. Pagkatingin,
nakita kong may isang ale ang nakabulagta’t mangiwi-ngiwi sa sakit pagkat
nabalian ito ng buto dulot ng kanyang pagkakadapa. Manlaki ang mata ko sa gulat
at biglang sumipa ang awa sa dibdib. Sina Aling
Tisay, walang ginawa kundi alalayan ang paa ng babae na kung saan nabalian
ng buto’t naging napakakritikal ng sitwasyon. Natigil lamang ang kaguluhan nang
may dumating na ambulansya at dahan-dahan na isinakay ang babae. Hindi ako
makapaniwala sa pangyayari’t kailangan ng ibayong pag-iingat upang hindi
madisgrasya.
11S-R. Matapos ang kaganapan, balik ako sa pag-e-edit ng
Video Clip. Dahil may pinuntahan sina Mama at ate, naging magandang pagkakataon
sa akin upang gawin ang naisin, ang sumayaw. Nakakapagod man at pagpawisan ng
husto, sulit naman dahil naeehersiso kahit paano ang katawan. Sa kakasayaw ng
walang puknat, tuluyan na kong nilukuban ng lakas kaya tumigil muna’t
nananghalian. Pagkapananghalian ay ipinagpatuloy ko ang pagsasayaw. Maya-maya
pa at dahil oras nanaman upang mag-Siyesta,
tinamaan muli ng kaantukan sa katawan, natulog muna ako. Saka lamang nagising
nang dumating sina Mama na maingay na nag-uusap. Wala muling magawa kaya heto’t
ibababad muli ang mata sa panunuod ng telebisyon sa maghapon maging sa gabi para
iwas pagkabagot. Kahit hindi pa dinadapuan ng antok kung may kalaliman na ang
gabi, napagpasyahan nang matulog.
March
28, 2018
Wednesday
Year VI-087
Wednesday
Year VI-087
11S-S. Miyerkules Santo at ganap nang sumapit ang
madaling araw subalit heto pa rin ako’t hindi makuha-kuha ang mahimbing na
pagtulog. Bukod sa akin, hindi rin makatulog si Mama subalit iba ang pakiramdam
nito pagkat nababalisa’t stress, umaamos pa ang kanyang tinig. Di ko tuloy
maiwasang mabahala sapagkat may nangyayari muling kakaiba kay Mama. Huminahon
naman ito kinalaunan at natulog. Maigi na lamang ako’t sa kabila na hindi
makatulog, hindi naman nai-stress pagkat wala naman dapat ikabahala kapag
tinamaan ka ng Insomnia. Gawa na
hindi makatulog, bumangon muna ako’t nag-laptop. Kung kalian pahupa na ang
dilim, saka naman ako inantok kaya kahit umaga na, natulog muna ako. Bandang
Alas-otso nang magmulat ang mga mata. Hindi naging maganda ang dating ng umaga
pagkat si Mama, patuloy na sinusumpong at nagiging kakaiba na ang kanyang
kinikilos, nakuha na ngang humilata sa sahig pagkat hindi pa raw ito makatulog
at iyon ang nagbibigay stress sa kanya.
11S-T. Bukod sa naghihilata sa sahig ay umaatungal ito na
parang bata. Sa puntong iyon, napapaisip na kami kung dapat ba siya muling
magpakonsulta sa Psychiatrist o kailangan
nang isugod sa Mental Hospital, labag man sa kalooban pagkat tila nawawalan na
sa katinuan. Ang ate naman, sa halip na pahupain ang nararamdaman ni Mama at
damayan, pinaulanan ng nagbabagang sermon at hindi ito masisisi pagkat kung ako
marahil sa kalagayan niya, mauubusan na rin ng pasensiya. Nakakaramdam man ng
awa’t pag-aalala, mas piniling hayaan at hindi pansinin si Mama pagkat hindi na
alam ang paraang makakatulong sa kanya. Tumino-tino naman ito kinalaunan at
nagawa pang magbukas ng tindahan, sinabi niyang nilalabanan ang kanyang
nararamdaman at nagpapakatatag.
11S-U. Dahil walang magawa’t may pupuntahan sina Mama at
ate, ako muli ang namahala sa tindahan. Kinahapunan nang umuwi sina Mama’t muli
itong inatake ng kanyang pagkasumpong at bukod sa naghihilata sa sahig,
nagsisisigaw-sigaw ito na tila sinasaniban, sa puntong iyon ay lalo pang
umigting ang aming pag-aalala pagkat hindi na tama ang nangyayari kay Mama’t
nagiging kakaiba ang kanyang ipinapakitang behavior. Ibig ko sanang tulungan si
Mama para kahit paano’y mahimasmasan ito, kaso hindi alam kung paano pagkat
lahat na ng naisip na paraan, sinubukan na’t subalit nauuwi sa wala, paano’y
hindi nito tinutulungan ang kanyang sarili at masyadong nagpapadala!
Muntik-muntikan na kong umiyak nang panahong iyon at hindi maiwasang isipin
kung bakit nangyayari ang ganito.
11S-V. Balak na sana namin itong dalhin sa kanyang doctor
na Psychiatrist subalit alanganin
pagkat hindi gaya ng mga Physician
Doctor, kailangan pa ng appointment bago ang konsultasyon, saktong holiday
pa bukas dulot ng Semana Santa kaya sa Lunes pa namin ito posibleng madala.
Dahil wala nang maisip na paraan, kumapit na lamang kami sa pananalig.
Kinagabihan, wala pa ring pagbabago sa sitwasyon pagkat patuloy na sinusumpong
si Mama at kung ano-ano ang sumasagi sa isipan na nagpapalala pa lalo sa
kanyang dinadanas. Ang ate naman na kanina pa nagpapangaral at paliwanag,
parang kandilang nauupos na ang pasensiya’t bukod kay Mama ay awang-awa rin ako
sa kanya pagkat buntis na nga, nai-stress pa dulot ng pag-aalala kay Mama, kung
tutuusin ay umiiyak na nga ito. Naniniwala ako na pagsubok lamang ito na malalampasan
kaya keep fighting with faith, walang pagsubok na ibinibigay ang Diyos na hindi
kakayanin.
March
29, 2018
Thursday
(Maundy Thursday)
Year VI-088
Thursday
(Maundy Thursday)
Year VI-088
11S-W. Huwebes Santo, paggunita sa araw kung
kailan isinagawa ang huling hapunan ng ating panginoon kasama ang kanyang mga
alagad bago ito ipako sa krus. Kung si Jesus
na hindi hamak na mas mabigat ang pagsubok na dumating sa kanyang buhay kumpara
sa kinakaharap namin ngayon na wala pa sa kalingkingin, napagtagumpayang
lampasan, sana kami rin na hindi hamak na tao lamang at naniniwala akong hindi
niya kami pababayaan. Ang kahapong si Mama na matamlay at balisa dulot ng
kanyang pagka-depress, masigla-sigla na, ni nakukuha na nga nitong magbungaga
na siyang tumapos sa masarap kong pagtulog. Umaga na pala kaya daglian nang
bumangon. Para akong nabuhayan ng loob nang panahong iyon pagkat bumabalik na
sa dati si Mama at nawa’y magpatuloy ang ganito. Pagkaalmusal, naisipan kong
maglaba. Wrong timing nga lang pagkat makulimlim ang panahon at tila nahihiyang
magpakita ang haring araw, hindi tuloy makapagpatuyo ng sinampay.
11S-X. Nang makapaglaba’t sampay, pagtitinda ang
sunod kong inatupag. Damang-dama ko na nga ang diwa ng Semana Santa pagkat
bukod sa makulimlim ang panahon, nakakabingi ang katahimikan sa kapaligiran.
Sana ganito lamang parati kahit hindi mahal na araw, payapa. Kinahapunan at sa
kabila na makulimlim ang papawirin, nanatiling maalinsangan ang panahon at
ikahihilo mo ang init, nag-isip ako ng paraan para maibsan ang namamayaning
init sa katawan at iyon ay kumain ng Halo-halo. Anong sarap sa pakiramdam
habang nalantak ng Halo-halo’t para kang dinadala sa langit. Walang magawa kaya
naisipan kong magtungo sa Computer Shop at magpakaadik sa pag-online sa Social
Media.
11S-Y. Habang nanunuod ng dokumentaryo sa I Witness ay doon ko napagtanto na maging
sa kamatayan ay hindi pantay-pantay ang pagtrato pagkat kapag mahirap kang
namatay, doon sa apartment ng mga puntod ang ‘yong huling hantungan at iyon ay
contractual pagkat matapos ang limang taon ay basta-basta na lamang aalisin ang
labi ng namayapa sa puntod kapag hindi nakapagbayad, samantalang kapag namatay
kang mayaman, doon sa maayos at disenteng libingan ang huling hantungan at may
seremonya pa habang inililipat ang labi ng namayapa sa kabilang puntod. Tunay
ngang maging sa kamatayan, magkapareho pa rin ang agwat ng mahihirap sa
mayayaman at kay saklap isipin. Matapos magkumpyuter at dahil wala pang balak
ang isipan na umuwi, naglakwatsa muna ako para kahit paano’y mabawas-bawasan
kung anuman ang bigat ng loob na gumagapos sa pagkatao dulot ng problema.
11S-Z. Sa bahay nina Shiela ko naisipang gumawi’t kahit halos isang taon nang hindi
nakakadalaw, mainit pa rin ang kanyang pagtanggap sa akin at kami’y
nagkwentuhan. Lalo pa kong nalibang dahil sa mga anak nito na malilikot.
Sumundo ay kina Ate Bing ako
nagtungo. Ibang-iba na ito kumpara nung una na nakilala ko siya pagkat
Relihiyoso na ito, wala nga kami halos ibang mapag-usapan kundi patungkol sa
bibliya at dahil nagbabasa ako niyon kahit paano, palitan at tagisan kami ng
kaalaman. Ang sarap kakwentuhan ang mga taong mahilig sa salita ng Diyos at
bukod sa may natutuhan ka, napapabuti ka pa, kaysa mga taong walang kakwentuhan
mo nga subalit walang kakwenta-kwenta ang sinasabi. Napasarap ang kwentuhan namin
ni Ate Bing kaya inabot na ko ng
Alas-nuebe ng gabi sa pag-uwi.
March
30, 2018
Friday
(Good Friday)
Year VI-089
Friday
(Good Friday)
Year VI-089
11T-A. Biyernes Santo, ito ang araw upang gunitain
ang paghihirap ng ating panginoong Diyos at bukod sa dakila ay maituturing din
siyang bayani pagkat kahit napakahirap para sa kanya, tinanggap nito ang
kaparusahan para maligtas tayong lahat sa kasalanan. Kahit may kinikilala
tayong mga bayani, para sa akin, wala nang hihigit pa sa kabayanihang ipinakita
niya sa atin. Ganap nang pumutok ang liwanang nang ako’y magising at gawaing
bahay agad ang siyang inatupag. Ang kapaligirang dinaig pa ang sementeryo
pagkat nakakabingi ang katahimikan, kasalungat pagkat maingay dulot ng
kapit-bahay namin na walang pakundangan kung magpatugtog, tila walang pakikiisa
sa paghihirap ng Diyos kung sila’y magsaya. Dahil magsisimba pa ko ngayong
araw, maya-maya pa’y naghanda-handa’t bihis na.
11T-B. Sumapit na ang Alas-onse subalit sa dalang
ng dating ng mga pasahero, hindi pa rin nakakaalis ang toda samantalang
Alas-dose magsisimula ang misa, napapaisip na tuloy kung itutuloy pa ba ang
balak na magsimba. Minuto na lamang ang bibilangin bago sumapit ang Alas-dose
nang kami’y makaalis at pagkarating ng Santo
Domingo Church, saktong nagsimula na ang misa na kung tawagin ay Siete Palabras o sa madaling sabi,
Seven Last Words ng ating panginoon bago ito malagutan ng hininga mula sa
pagkakapako sa krus, bukod pa roon ay hindi na halos mahulugang karayom ang mga
nagsipagdalo kaya wala nang maupuan subalit nakahanap naman kinalaunan. Dahil
bandang Alas-tres pa inaasahang matatapos ang misa, dala ng pagkainip ay hindi
ko na natapos pang pakinggang ang Siete
Palabras.
11T-C. Bandang Alas-kwatro nang makabalik ako sa
bahay at biglang sumanib ang kalungkutan sa pagkatao pagkat namamayani ang
katahimikan sa loob ng bahay at may karamdamang sikolohikal muli ang ilaw ng
tahanan pagkat hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa siya bumabangon at
depress, ni hindi pa raw ito kumakain kaya bukod sa lungkot ay nababahala ako. Kapag
naghihirap nga naman ang mahal mo sa buhay, apektado ka kahit hindi nangyayari
sa’yo ang kanyang dinadanas at dalanging kayanin ito ni Mama na malampasan.
Kinagabihan at dala na hindi pa makatulog, naisipan ko munang manuod ng Video.
11T-D. Patungkol sa buhay ni Jesus
ang aking tinunghayan at kung paano nito ibahagi ang salita ng Diyos. Madami
akong nakalap na kaalaman mula sa kanyang katuruan at iyon ay masiyahan tayo sa
kung anong bagay ang mayroon tayo, bukod pa roon at sa kabila na walang-wala ka
na’t pakiwating pinagsakluban ng langit at lupa, isiping mapalad pa rin at
huwag panghinaan ng loob dahil ang bawat pangyayari sa buhay, may hangganan.
Kung nasasadlak tayo sa kahirapan, kalungkutan o kapighatian, mapalad pa rin
dahil makakamtan ang karangyaan o kasiyahan kung may pananalig. Parang kinurot
ang dibdib ko nang pahirapan siya ng mga tao at ipako sa krus, marahil kung ako
lamang sa kalagayan niya’y hindi kakayanin subalit kinaya niya. Sa sobrang
tutok ng mata sa panunuod, hindi namamalayang kasing lalim na ng balon ang gabi.
March 31, 2018
Saturday
(Black Saturday)
Year VI-090
March 31, 2018
Saturday
(Black Saturday)
Year VI-090
11T-E. Patay na araw, gaya ng mga nakalipas na araw at
dahil may kasibaan sa pagtulog, tinanghali muli sa paggising. Ang bilis nga
naman ng panahon pagkat matatapos na pala ang Semana Santa at dadako na tayo sa
panibagong buwan. Matapos mag-almusal, buhay tinder muli ako’t upang hindi
mainip sa kahihintay ng mamimili, pagsusulat muli ng kwento ang siyang
napagkalibangan. Sa sobrang abala’t humaling sa pagsusulat, hindi namamalayang
tanghaling tapat na, kailangan nang kumain para sa pananghalian. Pagpatak ng
hapon at dahil nababagot ng lagay sa pagtitinda, naisipang manuod ng
dokumentaryo para may matutuhan at magkaroon ng malay sa mga taong may iba’t
ibang kalagayan sa buhay. Napukaw nang husto ang aking natutulog na dibdib nang
matunghayan ang dokumentaryo ni Kara
David patungkol sa mga matatandang babae na nakapiit sa selda. Ang ilan sa
kanila, mahihina na’t may karamdaman, umaasang makakalaya sa pamamagitan ng
Parole na ibibigay ng pamahalaan.
11T-F. Umigting pa lalo ang pagkahabag sa dibdib nang
marinig ang kwento ng isang Lola na sa edad nitong Nobenta, hindi pa ito
nabibigyan ng Parole at malinaw pa sa sikat ng araw kung paano ito nahihirapan
sa loob ng kulungan. Mabibigyan sana ito ng Executive Parole kasabay ng
pagbisita ng Santo Papa sa bansa, kaso napurnada’t nanghinayang ako sa aking
napanuod at nayamot pagkat wala silang awa sa matanda, bukod pa roon ay halos
isumpa ko na ang nagpakulong sa kanya pagkat dahil lamang sa kasong
Falsification na kung saan pineke raw niya ang Dokumento, nahatulang mabilanggo
samantalang hindi siya nakakabasa. Napasaklap isipin na hindi naging
makatarungan ang naging kapalaran ng lola’t di man lamang siya hinayaang
maabswelto. Parang nagnumingning sa saya ang nasa loob pagkat isang buwan ang
makalipas matapos bumisita ang Santo Papa, napalaya na ang Lola na itinuturing
na pinakamatandang preso sa buong Pilipinas.
11T-G. Kung saan man siya naroroon ay maging maayos ang
kanyang kalagayan kasama ang mga taong nagmamahal sa kanya. Sobrang na-touch
ako sa aking natunghayan at muntikan nang mapaiyak, tila napakalalim ng hatid
nitong kahulugan at iyon ay panatilihin ang pananalig at huwag mawalan ng
pag-asa. Kinagabihan at lumalalim na rin ang gabi subalit hanggang sa mga oras
na iyon, hindi pa nakakauwi si Mama, kaya kami’y hindi mapigilan ang mag-alala.
Para kaming nabnutan ng tinik sa lalamunan nang dumating ito’t laking pasalamat
sa Diyos pagkat kahit paano, gumagaling na ito. Matutulog na sana ako subalit
anong ingay sa labas at may nag-aaway pa. Pilit kong hindi iniintindi ang kanilang
alitan subalit sa lakas at nagsisigawan pa, halos marindi na ng lubusan at
kinakabahan sa kung anong susunod na mangyayari, napapaisip nab aka magpatayan
sila subalit hindi naman naganap at bumalik sa dating payapa ang kapaligiran
kinalaunan.