February 01, 2018
Thursday
Year VI-032
Thursday
Year VI-032
11L-E. Unang araw para sa ikalawang
buwan ng taong ito. Ang bilis nga naman ng panahon pagkat nalagas nanaman ng
isa ang kalendaryo. Dalawang buwan na lamang din ang hihintayin bago ako
magtapos. Tila napakaraming bagay ang mangyayari sa taong ito na kapana-panabik.
Mga bandang Alas-kwatro na ng madaling araw nagising at dahil ngayong araw ang
idadaos ang anibersaryo ng Court of Appeals at wala naman gagawin kundi
manuod ng mga programa, napagpasyahang huwag nang pumasok. Ipinagpatuloy ko ang
pagtulog at dala na napasarap, bandang Alas-nuebe na ng umaga nagmulat ang mga
mata. Pagkaalmusal, gawaing bahay ang aking pinagkaabalahan. Matapos ang gawaing bahay at dahil walang
maisipang matinong gawin, pag-online sa Social Media ang naging libangan.
11L-F. Ilang sandali pa, oras na para
mananghalian. Balak ko sanang magtungo sa Court of Appeals para manuod
at alamin kung ano na nga ba ang kaganapan doon, kaso maalinsangang panahon ang
pumigil at makatamot ng sakit. Mas pinili kong manatili sa bahay sa maghapon at
libangin ang sarili sa paggamit ng Internet. Kinagabihan at kahit kakatapos pa
lamang ng nangyaring Super Blue Blood Moon kagabi, kay ganda pa rin
pagmasdan ang buwan pagkat nagniningning ang liwanag nito’t bilog na bilog pa,
parang ang sarap mamasayal kasama si spccial someone na hawak-hawak ang kamay
at kung ano man ang nasa imahinasyon ko, sana’y magkatotoo. Dahil maaga pa
magigising bukas para sa muling pagpasok, hindi na nagpuyat pa sa kung
ano-anong mga bagay.
February 02, 2018
Friday
Year VI-033
Friday
Year VI-033
11L-G. Lugmok pa ang mga mata sa antok subalit kailangan nang
bumangon para hindi mahuli sa pagpasok. Hindi naman gasinong traffic kahit sa Espanya Boulevard subalit pagdaan ng Quiapo, doon na bumigat ang trapiko na
tipong wala na halos galawan. Simbang Quiapo
pala ngayon na ginaganap tuwing sasapit ang Biyernes kaya ganon na lamang
karami ang mga tao na siyang dahilan ng pagbagal ng usad ng mga sasakyan at
maging Plaza Miranda, napuno ng
milyon-milyong debotong sumasampalataya. Sa kabila na naipit sa mabigat na trapiko
na tipong wala na halos galawan, maaga pa ring nakarating sa Court of Appeals. Masyado pang maaga at
gawa na wala pa ang karamihan sa mga staff, sinamantala ko ang oras sa
pamamasyal. Dahil nasarapan sa pamamasyal, maging opisina ng mga Justice, nagawang
puntahan at may layang nakakalabas-masok. Pagkaabalik ng office, saktong
naroroon na sina Ma’am Rowena.
11L-H. Wala nanaman pinapagawa sa akin kaya heto’t nga-nga muli,
gumawa na lamang ng mapagkakaabalahan. May pinapagawa nga sila, iyon ay
taga-zerox ng mga papeles at file ng mga Service card ng bawat employee,
mistulan akong Utility Worker sa
nangyayari subalit ayos na iyon kaysa wala naman ginagawa. Mabuti na lamang at
kinakausap ako ng isa sa kanilang staff na si Ma’am Lea kaya nababawasan maski
paano ang pagkabagot at sana siya na lamang ang boss ko. Ilang sandali pa,
dumating na ang aking pinakahihintay, ang Lunch break. Sa halip na sa canteen
kumain o sa mga tabi-tabi sa labas ng Court
of Appeals, naisipang sa loob ng Robinson
Manila. Dahil nag-uumapaw ang aking pitaka, buhay na buhay at minsan lamang
ito, nag-restaurant ako.
11L-I. Sa dami ng kinain ay halos mabundat na ng lagay. Matapos
mananghalian, namasyal-masyal ako. Nakakadismaya lamang pagkat wala na palang
Grand Fountain doon na madalas naming puntahan ni Mama sa tuwing napapagawi ng
mall pagkat nakakamangha ang pagsirit nito at sinasamahan pa ng makukulay na
ilaw. Sa lawak ng Robinson,
magkandaligaw-ligaw na ko´t nakarating na ng Malate, Manila. Bandang Ala-una nang mapagpasyahang bumalik sa
office. Ilang sandali pa at laking gulat ko nang biglang pumasok si Papa sa
office.
11L-J. Inaasikaso pala nito ang kanyang retirement at sa nakikita
ko, tila napakaraming prosesong pinapagawa sa kanya, tila kailangan pa dumaan
sa butas ng karayom bago siya payagan sa pagreretiro. Naawa naman ako kay Papa
kaya tinulungan na ito sa pag-aasikaso. Nagkaroon lamang ng problema dahil sa
iba-iba ang kanyang mga Identity record. Sa dami ng ipinapagawa sa kanya,
tumagal si Papa ng halos isang oras sa office. Pambihira naman pagkat
magre-retire na nga lang, ang dami pang hinihinging requirements. Bandang
Alas-kwatro nang mapagpsyahan kong umalis at bago umuwi, dahil binigyan ni Papa
ng pera ay dumaan pa ko sa Ever Gotesco
Mall para bumili ng ulam. Saktong kumagat na ang gabi nang makarating sa
bahay at diretso sa paghahapunan.
February 03, 2018
Saturday
Year VI-034
Saturday
Year VI-034
11L-K. Araw nanaman pala ng Sabado kaya sa halip na maagang-maaga
magising, tinanghali na ko. Ang malamig na panahon, muling humahaplos sa bawat
katawan ng kahit kanino kaya naging pahirapan ang pagbangon at gusto'y humilata
sa maghapon. Nang makapag-agahan at gawa na walang magawa, naisipan kong
magtinda. Naging manaka-naka lamang ang mga mamimili kaya hindi mapigilan ang
mabagot. Pagsapit ng tanghali at dahil ngayong araw lamang ito magagawa matapos
ang limang araw na sunod-sunod na may pasok, sinulit ko ang pagsi-siyesta.
Dala na nasarapan sa pagtulog, pahingalo na ang liwanang nang magising. Wala
talagang magawa at para matanggal ang pagkabato, naisipan kong gumawa ng
kalendaryo. Dahil nalibang nang husto, hindi namamalayan ang tuluyang pagsipa
ng gabi. Kinagabihan ay abot ang aking kilig nang matunghayan sa Magpakailanman
ang kwento nina Noreen at Gerard na nagkakilala lamang dahil sa
pinagtagpo ng kapalaran.
11L-L. Tama nga ang kasabihan na "The more you hate, the more
you love" dahil nung una'y nag-uumapaw ang pagkaimbyerna ni Noreen
kay Gerard nang muntikan na itong masagasaan ng kanyang motorsiklo at
pinakitaan pa ng kaangasan subalit kinalaunan at sa tuwing nagkikita sila,
unti-unti ng nahuhulog si Noreen maging si Gerard hanggang sa
maging sila. Halos guyamin sila sa sobrang tamis ng pagsasama't pagmamahalan at
aakalaing hindi mapaghihiwalay kahit ano pa ang mapagdaananan subalit dumating
ang napakatinding trahedya sa kanila nang maaksidente si Gerard at
ma-comatose ng ilang buwan. Nang magkamalay, ang sakit lamang sa loob dahil
lahat ng masasaya nilang pinagsamahan, kusang nabura sa kanyang ala-ala.
11L-M. Sa kabila na nagkaroon ng Amnesia si Gerard,
nagtiyaga pa rin si Noreen para manumbalik ang ala-ala nito at hindi naman
siya nabigo. Bukod sa nakakakilig ay nakakabilib dahil nakaya nilang lampasan
ang ganung kabigat na pagsubok at kapwa hindi sumuko kaya in a relationship pa
rin sa isa't isa. Sana maging gaya rin ang nangyari kina Noreen ang
magiging kinabukasan ko na kung saan makikilala si right special someone ng
hindi inaasahan dahil sa pinagtagpo ng tadhana. Matutulog na sana ako subalit
anong ingay sa labas dulot ng nangyayaring bangayan. Sa init ng kanilang
sagutan, tila magpapaang-abot na't ganito sa lugar namin, dahil marami ang mga
walang hiya't hindi nakapag-aral, hindi na nakakapagtakang maging madalas ang
pagkakaroon ng away oras na hindi magkaintindihan o magliyab ang kalooban.
February 04, 2018
Sunday
Year VI-035
Sunday
Year VI-035
11L-N. May nagaganap nanaman palang alitan at palitan sila ng
naglalagablab na salita. Si Aling Tisay pala iyon, kilalang palaban at
walang inuurungan sa lugar namin oras na may makita siyang anomalya. Sa tapang
at anghang ng binibitawang salita ni Aling Tisay, kahit di hamak lamang
na babae ay walang panama ang kasagutang lalaki na kung pagmamasdan ay may
pagkaamangas at akala kung sino pa makapagsalita. Ang mataimtim na kapaligiran,
yumayanig dahil sa bangayan nilang dalawa na muntikan nang magpang-abot. Ilang
sandali pa'y laking gulat na lamang ng idawit ang pangalan ni Mama sa away
nilang dalawa. May punto naman si Aling Tisay, sa tuwing ipaparada ng
lalaki ang Jeep nito sa harapan ng bahay namin, nagiging maingay dahil sa mga
batang nagsisipag-akyatan, di mo naman masasabihan dahil mga bata pa't wala pa
sa hustong pag-iisip. Sa tuwing ipaparada ng lalaki ang sasakyan, wala na
lamang ibang gagawin kundi magtiis sa ingay, sana man lang, marunong siya
makiramdam! Hindi naman sa pinagbabawalan namin itong iparada ang kanyang Jeep.
11L-O. Sa halip na mainis dahil nadamay si Mama sa away ay
nagpapasalamat pa nga ako dahil may malasakit sa amin si Aling Tisay at
marunong makiramdam, hindi gaya ng kasagutan nitong lalaki na nakuha pang
magmataas. Sa labis na pagkabuwisit ko sa lalaki, ibig nang sumabat at
patotohanan ang salitan ipinalalandakan ni Aling Tisay sa lipunan, kaso
batid kong maari pang lumaki kaya mas piniling itikom na lamang ang bibig kahit
kating-kati nang ibulalas ang natatagong inis. Bakit kasi may mga taong hindi
marunong makiramdam sa kapwa at akala pa kung sino kapag pinagsasabihan! Nang
ilahad ko kina Mama patungkol sa ginawang pananahimik, minasama pa nila
lalong-lalo na ang ate't may gana pang sabihang napakapakilamero!
11L-P. Hindi ko matanggap ang sinabi nila kaya hindi na napiglan
pang ilabas ang naghihinanakit na loob. Ganyan naman ang mga taong nakapaligid
sa akin, kaunting kibot lang, ganon na kaagad at masama! Kaunting salita
lamang, madaldal na kaagad ang tingin o maingay. Naiinis ako sa mga taong
nahuhusgahan ako ng lubus-lubusan, parang ipinapamukhang malaki na ang
pagkakasala! Nakakainis pagkat palaging ako ang uunawa sa kanila! Ako ba,
nagawa ba nilang unawain! Sa yamot at dahil nasaktan sa sinabi, nakapagbitaw na
ng hindi magandang salita. Maigi na lamang at hindi nauwi sa buhatan ng kamay.
11L-Q. Masamang-masama ang loob ko matapos ang mga narinig kaya
lumabas muna at nagkumpyuter. Nang makapagkumpyuter at dahil sobrang
appreciated ko ang nagawang pagmamalasakit sa amin ni Aling Tisay,
dumaan pa ko sa bahay nito upang magpasalamat. Kapag nasa tama at katwiran,
ipaglaban lamang at huwag matakot na itama ang kamalian at ipaglaban ang
kabutihan dahil kakampi mo ang Diyos at batas. Matapos ang pag-uusap namin ni Aling
Tisay, kaagad nang umuwi't pagpalain nawa ito ng maykapal. Kaagad nang
nananghalian pagkauwi. Kinahapunan, pamamalantsa ang inatupag ko. Balak sanang
magsimba, kaso napasarap ang tulog at bandang Alas-kwatro na nagising kaya
hindi naituloy pa ang balakin. Patawarin nawa ng maykapal kung nagpanaig sa
katamaran kaya hindi nakapagsimba.
11L-R. Kinagabihan, nabagbag ang natutulog kong damdamin sa
pagkahabag nang matunghayan ang tampok na programa sa Kapuso mo, Jessica
Soho ang buhay ng isang ina na mayroong Osteogenesis Imperfecta.
Dahil sa pagiging baliko ng kanyang mga buto't hindi lumalaki, sa halip na
lumakad ay gumagapang lamang ito kapag kikilos. Kung titingnan ay napakahirap
ng kanyang pinagdadaanan subalit may anak naman itong nag-aalaga't aruga ng
lubos sa kanya. Nakakatuwa lamang dahil sa kabila ng kanyang kalagayan, may
lalaki pa ring nagmahal at tinanggap ito ng lubos hanggang sa magkasupling pa
nga. Sa aking napanuod, doon napagtanto na mapalad pa rin pala pagkat buo-buo
ang aking katawan at hindi dinadanas ang dinadanas ng ibang may pisikal na
kapansanan, na siyang abot-langit na ipinagpapasalamat sa maykapal. Matapos
manuod ng Telebisyon, daglian nang natulog.
February 05, 2018
Monday
Year VI-036
Monday
Year VI-036
11L-S. Maaga nanaman magigising pagkat Lunes nanaman pala.
Alas-tres pa lamang ng madaling araw nang magising at bumangon. Masyado pang
maaga nang makarating sa Highway kaya hindi gasino kadagsa ang mga pasahero't
dagliang nakasakay nang hindi nakatayo. Hindi pa ma-traffic kaya Alas-singko pa
lamang, nakatungtong na sa Maynila. Napakaaga pa't tatlong oras pa ang
hihintayin bago magsimula ang office hours kaya namasyal muna ako sa Luneta
Park. Habang namamasyal ay maraming makikitang magagandang tanawin bukod sa
bantayog ni Jose Rizal gaya ng Grand Fountain. Sa kulay at ganda ng
fountain habang sumisirit ng napakalakas, abot langit ang aking pagkahalina't
lahat marahil ng problema'y parang nabubura sa ala-ala. Medyo nahumaling sa
panonood ng fountain kaya inabot ng halos talumpung minuto sa pananatili.
11L-T. Sunod naman pinuntahan ang Quirino Grandstand at
karamihan sa mga nakakasalubong, puro mga dayuhan kaya pakiwaring wala ka sa Pilipinas.
Patuloy na sumasagi sa aking ala-ala ang panahong kami ay nag-field trip sa
mismong lugar na iyon at napakasaya. Nasarapan ako sa pamamasyal sa Luneta
kaya bandang Alas-siete na napagpasyahang magtungo ng Court of Appeals.
Dahil araw ng Lunes, nagkaroon muli ng Flag Ceremony. Balik sa dating gawi ang
lahat sa 'min matapos ang seremonya't habang walang pinapagawa sina Ma'am
Rowena, tamang pagbabasa ang aking inatupag. Sa ilang araw na pagiging
trainee sa Court of Appeals, kahit paano'y may natutuhan na patungkol sa
kung paano mag-function ang hudikatura sa bansa dahil sa mga nasasagap na
impormasyon kapag nag-uusap ang mga staff at unti-unti nang nabibigyang
kalinawan ang isip.
11L-U. Maging patungkol sa paraan ng pagpapa-suweldo, nalalaman na
rin. Tigil ang matang tutok sa pagbabasa nang may ipagawa si Ma'am Rowena
at iyon ay mag-file muli ng mga papeles sa bawat folder ng mga empleyado.
Sumasakit man ang kamay sa kakapasak ng mga papeles gawa na siksik, liglig at
umaapaw ang laman ng folder, mas maigi nang may pinagkakabalahan kaysa wala't
nagiging productive pa, nakakapagod man. Ilang sandali pa, sa wakas dumating na
rin ang aking pinakahihintay, ang lunch break. Bandang Ala-una nang bumalik sa
Personnel Office at dala na nababagot, nakaramdam na ng antok kaya umidlip muna
ako. Dahil walang gasinong ginagawa, ipinagpatuloy ko ang pagbabasa.
11L-V. Bandang Alas-kwatro nang mapagpasyahang umalis at bago
umuwi, dumaan muna sa Quiapo Church upang magdasal at magpasalamat na
rin sa maykapal. Hindi gaya sa Saint Peter Church o ibang Simbahan,
kahit walang sinasagawang misa ay madami pa ring tao. Hindi rin gasinong
makapagdasal pagkat maingay mula sa labas. Matapos magdasal at sa takot na
maipit sa napakabigat na trapiko, hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa pag-alis.
Hindi nga nagkamali sa aking inaasahan pagkat pagdaan ng España, doon na
nagsimulang bumagal ang pag-andar ng sinasakyan. Maging sa Quezon Avenue,
dama pa rin ang heavy traffic at mukhang gagabihin ito sa pag-uwi. Naiirita man
pagkat napakatrapik at mainit pa, walang ginawa kundi batain ang tiis. Sa dami
nga naman ng tao sa Kalakhang Maynila na maituturing nang overpopulated,
kahit saang marahil na lansangan ay damang-dama na ang trapik lalo na tuwing
rush hour at nakaka-stress! Pagdaan sa ilalim ng tulay doon sa EDSA ay
lalo pang naranasan ang matinding trapik, bukod sa halos wala nang galawin,
hindi na talaga gumagalaw at para na kaming na-trap sa iisang lugar.
11L-W. Dahil hindi na gumagalaw, halos isang oras nang nakatengga
sa ilalim ng tulay at inabot na ng gabi. Perwisyo at kalbaryo talaga ang trapik
para sa maraming mga pasahero na gaya ko. Sa inip dulot ng kalbaryong hatid ng
napakatinding trapik, marami nang pasahero ang napagpasyahang maglakad.
Alas-siete na subalit hindi pa rin kami makausad-usad at mas mabilis pa ang
lakad ng mga tao kaya nakakapanghinayang man sa ibinayad na pamasahe hanggang Sandiganbayan,
napagpasyahan nang maglakad kaysa maghintay na tipong aabutin ng siyam-siyam.
Magmula sa Quezon Avenue underpass hanggang Philcoa, nilakad ko't
nakakapagod. Dahil sa lintik na trapik na hindi masolusyunan ng gobyerno,
dis-oras na ng gabi nakarating sa bahay na bukod sa gutom na gutom ay yamot na
yamot at pagod na pagod din ako. Grabe at ngayon ko lamang naranasan ang ganong
katinding trapik at hindi malilimutan ang araw na ito. Kung alam lamang na
magiging ganito ka-hassle ang pagbiyahe sa araw-araw, di na sana doon
nag-intern.
February 06, 2018
Tuesday
Year VI-037
Tuesday
Year VI-037
11L-X. Saktong Alas-kwatro na pala ng madaling araw nagising at
namumugto man ang matang nababalutan ng antok, hindi na pinatagal pa sa
pagbangon. Halos mamalutot ako dulot ng ginaw na nararanasan at katamad maligo
kapag malamig ang panahon. Sa Ison Site ko naisipang pumila sa halip na
sa terminal ng Taniman at pagkarating doon, manlaki ng husto ang buka ng
bibig pagkat napakahaba ng pila. Kahit may kahabaan ang pila, umuusad naman ng
mabilis dahil kaagad dumarating ang mga tricycle, hindi gaya sa Taniman
na kailangan pang maghintay ng matagal. Kaya pala halos bibihira lamang
dumarating na tricycle sa kadahilanang hinaharang iyon ng kagawad na si Aling
Julia. Nakaramdam ako ng inis sa kanya at di dapat ginagawa iyon, kaya ang
mga pasahero nasasanay na pumunta ng malayo para lang pumila. Kaagad din naman
nakasakay. Maliwa-liwanag na nang makarating ng highway at dahil naabutan ng
rush hour, pahirapan muli ang makahanap ng masasakyan at nakaka-stress.
11L-Y. Sa kabila na usad pagong ang daloy ng trapiko sa lansangan,
maaga pa ring nakarating sa Court of Appeals. Kaagad naman may ipinagawa
sa 'kin si Ma'am Rowena at iyon ay ibigay ang En Banc notification
letter sa bawat opisina ng mga Justice. Hindi ko kabisado ang offices ng
mga Justice at Masyado silang marami upang bigyan ng letter kaya nakiusap na
magpasama. Si Ma'am Carmen ang nakasama ko sa pagpapamudmod ng letter sa
bawat opisina ng mga Justice at dahil may kasama, hindi man lamang ginulungan
ng kaba at hiya habang isa-isang pinapasok ang bawat opisina, bagkus ay naging
masaya pa nga dahil nakakatuwang kasama si Ma'am Carmen at kahit may
edad na't kakikitaang uugod-ugod na, game sa kanyang makipagtuwaan. Ang kulit
tuloy naming dalawa kaya ang pagod dulot ng kakalakad, napaparam. Pakiramdam ko
nang panahong iyon, nagkaroon na ng kaibigan.
11L-Z. Sa dami ng mga Justice na aabot sa pitumpu ang bilang,
inabot kami ng halos dalawang oras sa kakapamudmod ng letter. Diretso pahinga
ako matapos bigyan ng letter lahat ng Justice at kahit paano, naehersiso ang
buong katawan nang wala sa oras. Ilang sandali pa, sa wakas ay lunch break na.
Nang matapos kumain, may isang estranghero ang naupo sa mesang aking kinainan
at naging matanong ito. Lingid sa aking kaalaman ang kanyang pagkakakilanlan
kaya naging matipid sa pagsagot. Kahit di kilala, nagpatuloy pa rin ang
pag-uusap namin hanggang sa laking gulat ko na lamang nang malamang tatay ito
ng aking kaklase na si Peter (Aquino). Ang liit nga naman ng mundo't
hindi akalaing makakatagpo ang kanyang tatay at bukod pa roon, matagal na
nitong kakilala si Papa. Labis ang tuwa ko kaya napakwento na sa kanya.
11M-A. Pagkabalik ng office at dahil wala naman pinapagawa sina Ma'am
Rowena, umidlip muna ako. Hindi naman makatulog pagkat balot sa kaingayan
ang buong office kaya itinigil na ang pag-idlip at nagbasa-basa. Dala na
abot-langit na ang aking pagkabagot, gumawa na lamang ng mapagkakaabalahan na
tiyak na ikatutuwa nila at iyon ay ayusin ang bawat file ng mga empleyado. Ang
kaninang ako na seryoso sa pag-aayos ng mga file, naging masalita nang kausapin
nina Ma'am Rochelle. Medyo nalibang ako habang kakwentuhan sila kaya
nawala na ang pokus sa ginagawa. Pagpatak ng Alas-kwatro sa takot na matengga
muli kapag naabutan ng matinding traffic, hindi na pinatagal pa ang pag-alis.
Saktong hindi naman naipit sa trapik kaya naghihingalo pa lamang ang liwanag
nang makarating sa bahay.
February 07, 2018
Wednesday
Year VI-038
Wednesday
Year VI-038
11M-B. Nahirapan ako sa pagbangon pagkat bukod sa namamayani pa
ang antok, malamig pa ang panahon subalit kinaya pa rin. Bandang Alas-siete
nang makatungtong ang yapak sa Court of Appeals. Wala nanaman pinapagawa
sina Ma'am Rowena kaya nagpakalibang muli sa pagbabasa. May ipinagawa
naman ito sa akin subalit simple lamang at iyon ay mag-zerox ng mga papeles.
Buong umaga at dahil walang gaanong pinapagawa, pagbabasa't pagsagot sa mga
tawag lamang ang pinagkaabalahan. Ilang sandali pa'y Lunch Break na't sa gutom
na kanina pa tinitiis ng Sikmura, naparami ang aking kinain. Pagkabalik sa
opisina't gawa na break time, halos lahat sa kasamahang mga staff kundi
nakaidlip ay wala kaya tumaimtim ang buong office. Pagsapit ng Ala-una nang
bumalik sa dating ingay ang opisina lalong-lalo na si Ma'am Irma na
masyado makwela at dinaig pa ang komedyante kung magkwento. Wala muling
ipinapagawa sina Ma'am Rowena at para hindi mabagot at mabukbok sa
kakahintay ng ipapagawa, ako na mismo ang nag-isip ng mapagkakaabalahan at iyon
ay ayusin ang bawat file ng mga empleyado base sa Alphabetical order ng
kanilang apelyido.
11M-C. Nakakapagod man at binabahing na nga dulot ng nalalanghap
na alikabok kapag inaalis sa lalagyanan, nakakalibang naman. Lalo pa kong
nalibang nang makipagkwentuhan kina Ma'am Rochelle at Ma'am Carmen.
Habang tumatagal ay unti-unti nang napapalapit ang loob sa kanila dahil bukod
sa mabait, masiyahin pa't approachable, not intimidating. Pagsapit ng Alas-dos
nang magsikainan ang mga staff sa pinamiling pandesal. Sa una'y hiya ang
umiiral nang alukin subalit nang kulitin ni Ma'am Carmen, bilang
pakikisama'y nakisalo na rin ako. Sa dami ng nilantakang pandesal, labis ang
aking pagkabusog. Balik ako sa pagsasaayos ng mga file ng bawat empleyado
matapos ang kainan.
11M-D. Ilang sandali pa nang matapos ako sa ginagawa't gawa na
nababagot talaga ng lagay, nakipagtsikahan ako kina Ma'am Lea. Ang
seryoso naming pag-uusap tungkol sa mga bagay-bagay, nauwi sa tawanan at
hiritan ng kung ano-ano. Laughtrip kami habang kaututang dila sa isa't isa at
pakiramdam ng mga oras na iyon, napaligaya ko ang kanilang sandali kahit
pakiwari ng dibdib na nayayamot na ang ilang staff at ibig na kong sipain dahil
mga binibitawang punch line. Kahit napapasarap na ang biruan sa kanila dahil
nakakayang patawanan, nagpakahinay-hinay pa rin at baka maibigay ang patay na
grado. Doon ko napagtanto na dapat piliin mo muna ang taong bibiruin at
makiramdam din. Ilang sandali pa't sa wakas, uwian na rin. Diretso lamon ako
pagkatungtong ng yapak sa tahanan.
February 08, 2018
Thursday
Year VI-039
Thursday
Year VI-039
11M-B. Panibagong araw muli ng pakikibaka sa OJT ang
kakaharapin.Kahit pakiwaring napapalapit na ang loob sa ilang staff sa
Personnel office lalong-lalo na sina Ma'am Rochelle at Ma'am Carmen,
hindi pa rin mapigilang kabahan sa hindi maipaliwanag na dahilan. Bandang
Alas-kwatro nang magmulat ang mga mata. Pagdating sa terminal ng tricycle,
manlaki ang bibig sa gulat pagkat napakahaba muli ng pila. Sa tagal, abutin na
ng pagsikat ng araw bago makasakay at muntikan nang mahuli subalit hindi naman
naganap at nakarating pa rin ng maaga sa Court of Appeals. Wala pa rin
silang pinapagawa kaya heto muli ako't pampalipas oras ang pagbabasa. Ilang
sandali pa nang mapansing iilang staff na lamang ang naiwan sa opisina't maging
sina Ma'am Rowena ay wala. Iyon pala, nandoon ang halos lahat sa kanila
sa Auditorium para sa Kaiser Examination na taon-taon daw ginaganap.
Animoy nasa sementeryo ako pagkat napakatahimik ng buong office at walang
kabuhay-buhay. Mabuti na lamang, nandoon si Ma'am Carmen kaya hindi
naman nababato habang nagkakatuwaan sa isa't isa.
11M-C. Malapit nang magtanghali, wala pa rin sina Ma'am Rowena
at gawa na nababagot na ko ng lagay pagkat wala naman pinapagawa si Sir
Edward, napagpasyahan ko nang mag-half day. Bago umuwi at dala na kanina pa
kinikimkim ng sikmura ang gutom, kumain muna ako. Laking gulat ko pagkat hindi
hamak na mas mahal ang pagkain sa Canteen ng Court of Appeals kumpara sa
Canteen ng Supreme Court, kung saan madalas akong kumakain. Kahit na may
kamahalan ang inihahaing mga putahe, mas marami ang bumibili at iisiping puro
mapepera ang nakakasama sa pagkain pagkat kay didisente ng kasuotan at susyalin
ang kinakain.
11M-D. Halos masaid ang kwarta ko sa pinamiling pagkain at nang
matikman, laking pagsisi pagkat hindi masarap at masyado pang mamantika,
nagsayang lamang ng pera at hindi naman nasulit. Wala akong ginawa kundi ubusin
ang pagkain, labag man sa kalooban. Habang binabagtas ang kahabaan ng Padre
Faura, ang daming mga taong nagtitipon-tipon at nakasuot ng pulang damit.
Hindi ko mawari kung anong kaganapan at marahil ay may welgang magaganap. Iyon
pala, mga supporters ni Bongbong Marcos at umaapila sila sa tanggapan ng
gobyerno na magsagawa ng recount sa botohan ng Bise Presidente.
11M-E. Halos dalawang taon na ang nakakaraan magmula nang
maluklok ang bagong administrasyon, hindi pa rin sila nakaka-move on at
matanggap na talo ang kanilang napipisil na kandidato. Kahit magsagawa pa sila
ng recount, si Leni Robredo pa rin ang lalabas na panalo. Palibhasa kay Bongbong
Marcos, hindi nito matanggap ang pagkatalo kaya patuloy niyang isinusuksok
sa isipan ng mamamayan na may dayaang naganap nung election, na siyang hindi
tunay at manang-mana talaga ito sa kanyang tatay! Naiinis lang sa mga tao na
hanggang ngayon ay nagbubulag-bulagan pa rin sa katotohanan at hindi ba nila
naranasan ang pait na hatid noong Martial Law sa pamumuno ng Rehimeng
Marcos. Pagkatungtong ng bahay, diretso ako sa pagtulog.
11M-F. Ang bilis nga naman ng panahon at hindi akalaing Biyernes
nanaman pala. Dakong Alas-siete nang makatungtong ako sa Court of Appeals.
Masyado pang maaga kaya wala pa ni isang staff ang nadatnan pagkapasok ng
Personnel Office maliban kay Boss Tibayan na isang linggo nang wala.
Habang lumilipas ang mga sandali ang unti-unting pagdating ng mga staff kaya
ang resulta'y umiingay na ang buong office. Wala nanaman ibinigay na gawain si Ma'am
Rowena kaya heto ako't nakatunganga muli. Mabuti na lamang, may ipinagawa
sa akin si Ma'am Lisa at iyon ay mag-tally ng Certification ng bawat
empleyado. Lubhang napakarami ng ipinapabilang sa akin kaya naging abala ako.
Ilang sandali pa nang matapos ako sa pagta-tally. Ang buong opisina, naging
payapa muli dahil halos lahat ng mga staff kabilang sina Ma'am Rowena at
Sir Edward, nasa Auditorium muli para i-update ang kanilang ATM Card.
11M-G. Tanghaling tapat na, wala pa rin sila kaya ang resulta,
nag-uumapaw na ang aking pagkabagot. Gawa na walang magawa, umidlip na lamang
ako. Sana parating ganoon ang office, matahimik at makakapag-isip ka pa ng
maayos. Wala talagang magawa kaya tamang tsikahan muli kina Ma'am Carmen
at nakaka-goodvibes silang kahuntahan. Pagpatak ng Alas-dos y medya, nanatiling
nasa Auditorium sina Ma'am Rowena kaya napagpasyahan nang umuwi. Habang
lulan ng pampasaherong Bus at sa hindi inaasahan, bigla na lamang lumusot ang
side mirror ng ibang Bus sa bintana. Swerteng na nasalag ng bintana ang side
mirror kaya hindi ako nahagip, kung nagkataong hindi malamang ay nadali na ko't
nag-aagaw buhay kaya laking pasalamat sa maykapal pagkat hindi hinayaang
mapahamak.
11M-H. Maigi na lamang, mabait ang tsuper na nasiraan ng side
mirror kaya hindi na humantong pa sa away trapiko. Pagdating ng bahay ay muling
bwenas ang sikmura sa dalang pasalubong nina Mama. Sa dami ng kinain, mukhang
hindi na makakapaghapunan pa't puputok na ang sikmura sa kaumbukan.
Kinagabihan, tamang subaybay lang ang mata sa wildest ending ng Wildflower.
Sa buong takbo ng palabas, grabe ang katapangang ipinakita ni Lily Cruz
habang naghihigante sa mga taong nang-api sa kanya maging sa taong bayan, ang
mga Ardiente na kung iisipin ay maihahalintulad sa pader, mahirap
patumbahin pero nagawa iyon ni Lily Cruz kahit siya'y babae at
pinatunayan na wala sa kasarian ang pagiging tunay na bayani kundi kung gaano
kasidhi ang pagmamalasakit sa kapwa.
11M-I. Lahat ng hirap at pagsubok dulot ng mga Ardiente, nagawang lampasan ni Lily
Cruz at nakakabilib dahil hindi ito napanghinaan ng loob na lumaban
hanggang sa makamit na ng tuluyan ang hustisya na hindi makuha-kuha dahil hawak
ng mga Ardiente ang batas. Sana ang bawat isa sa atin ay maging kagaya
ni Lily Cruz, ipinaglalaban kung ano ang tama at mabuti't handang banggain,
kahit kasing-tibay pa yan ng pader dahil inisip nito na kakampi niya ang Diyos.
Tunay ngang hindi nagwawagi ang kasamaan laban sa kabutihan kailanman sa
bandang huli.
February 10, 2018
Saturday
Year VI-041
February 11, 2018
Sunday
Year VI-042
February 12, 2018
Monday
Year VI-043
February 13, 2018
Tuesday
Year VI-044
February 14, 2018
Wednesday
(Valentine's Day)
Year VI-045
February 15, 2018
Thursday
Year VI-046
February 16, 2018
Friday
Year VI-047
February 17, 2018
Saturday
Year VI-048
February 18, 2018
Sunday
Year VI-049
February 19, 2018
Monday
Year VI-050
February 20, 2018
Tuesday
Year VI-051
February 21, 2018
Wednesday
Year VI-052
February 22, 2018Thursday
Year VI-053
February 23, 2018
Friday
Year VI-054
February 24, 2018
Saturday
Year VI-055
February 25, 2018
Sunday
(People Power Revolution)
Year VI-056
February 26, 2018
Monday
Year VI-057
February 27, 2018
Tuesday
Year VI-058
February 10, 2018
Saturday
Year VI-041
11M-J. Dahil sumapit muli ang araw ng Sabado,
tinanghali na sa paggising. Ngayong araw ang follow up Check-up ko doon sa UST
Hospital kaya nang makapag-agahan, kaagad nang naghanda-handa. Anong trapik
muli sa lansangan lalong-lalo na pagdating ng España kaya bandang
Alas-dyis na nakatungtong sa hospital. Pagkarating, ang daming nakapilang
pasyente at sa dami, wala na tuloy maupuan pa. Walang ginawa kundi magtiyaga sa
paghihintay at igtingan ang pasensiya. Ganap nang sumapit ang Alas-dose, hindi
pa rin natatawag at gawa na naiinip na, darating na sa puntong ibig nang umuwi
pagkat nagsasayang lamang ng oras subalit nagpakatatag ako. Ilang sandali nang
sa wakas ay matawag na rin. Nagkaroon lamang ng problema nang ipabatid ng Doctora
Dacayan na nawawala lahat ng aking medical record magmula nang unang
magpakonsulta sa kanya, ang resulta'y kinapanayam niya muna ako. Hindi naman
nagtagal ang konsultasyon ko kay Doctora Dacayan.
11M-K. Wala pang balak umuwi kaya hinanap ko
muna kung saan nag-i-intern si Myrrh. Labis ang aking pagkagulat nang
malamang bawat program ay may kanya-kanyang Guidance Office kaya nahirapan sa
paghahanap kung saan nga ba si Myrrh, hanggang sa mabatid kona nasa
Guidance Office ng Engineering ito nag-i-intern. Saktong wala pa si Myrrh
sa UST at nasa biyahe pa lamang ito kaya sa halip na hintayin, sinamantala
ang oras para mananghalian. Dahil madaming bitbit na kwarta at minsan lamang
ito gawin, sa McDonald's ko naisipang kumain. Pakiwaring isang mayaman
habang nasasarap nang husay sa paglantak ng Chicken Ala King na ngayon
lamang nalasap ng dila't sadami, halos hindi na makakilos sa labis na
kabusugan. Matapos kumain ay bumalik pa ko ng UST upang abangan ang
pagdating ni Myrrh.
11M-L. Maya-maya pa nang dumating ito't non
stop muli ang tsikahan sa isa't isa. Lalo pang sumaya ang samahan nang makasama
ang kasintahan nitong si Mark at medyo nalilibang-libang ako.Walang
ginawa kundi magkwentuhan at tawanan at doon naranasan kung paano maging
maligaya. Pagpatak ng Alas-kwatro nang magpaalam na sina Myrrh sa
akin.Sa halip na diretso sa pag-uwi, naisipan ko pang magtungo ng Baywalk
doon sa Roxas Boulevard. Kaagad naman ako nakatungtong doon at mahalina
ng labis habang pinagmamasdan ang Manila Bay. Sa kabila ng tinagtaglay
na ganda ng dagat kung pagmamasdan, hindi namanito maaaring liguan pagkat
marumi at mabaho pa na tila amoy nabubulok na basura't nakakasuya sa pang-amoy.
11M-M. Habang namamasyal sa kahabaan ng Baywalk
ay ang daming makikitang iba't iba, mga taong naglalakad na ang ilan sa
kanila'y banyag, mga magsing-irog na magkasamang pinagmamasdan ang karagatan at
naglalambingan atmga batang gusgusin na namamalimos. Lahat ng iyon ay
nasisilayan sa pamamasyal kaya sulit na sulit. Hinintay ko pa sumapit ang
paglubog ng araw bago mapagpasyahang umalis para makita ang makulay na Sunset
view. Kung kailan palubog na ang araw, saka naman ito natakpan ng mga ulap,
hindi tuloy nakuhaan ng litrato, nakakadismaya! Hindi na ko umaasa pa na
makikita ang magandang Sunset view sa ibabaw ng Manila Bay kaya umalis
na. Bandang Alas-otso na ng gabi ako tuluyang nakauwi. Sa haba ng biyahe't
maghapong palakad-lakad, nakatamo ng pagod kaya hindi na nagpakapuyat pa sa
kung ano-ano.
February 11, 2018
Sunday
Year VI-042
11M-N. Tirik na ang haring araw sa labas nang
magmulat ang mga mata. Dahil araw ng Linggo at wala naman ibang inaatupag,
sinamantala ang oras sa pagtitinda. Maya-maya pa atdahil araw ng Linggo, kasama
si Mama at Kuya Al, naisipan naming magsimba. Natutuwa ako pagkat minsan
lamang ito mangyari na kami'y magkakasama kahit hindi kumpleto. Hindi na halos
mahulugang karayom ang dami ng tao pagkatungtong ng Saint Peter Church at saktong patapos na ang misa para sa
Alas-dyis. Nang makatiyempo, kaagad kaming pumasok ng simbahan para may
maupuan. Patungkol sa pagpapakumbaba at paraan ng pagdarasal ang naging Homily
ng Father. Tama ang pari, karamihan sa atin ay matapobre't walang pagpapahalaga
sa magiging damdamin ng kapwa. Hindi porket marumi't makasalanan, nilalayuan at
pinandidirihan na.
11M-O. Nauunawaan ko naman kung ganoon ang maging
reaksyon sa taong may nakakahawang sakit at natural lamang na lumayo para
mapangalagaan ang kalusugan subalit sa nangyayari'y sobra-sobra na't napaka-OA.
Yung iba wala na sa lugar kung makaarte't akala'y mamamatay. Naiinis lamang ako
sa mga taong nuknukan sa kaartehan atsarap balatan ang kilay. Matapos namin
magsimba, nagtungo pa ng Ever Gotesco Mall para kumain. Sa KFC
namin napiling mananghalian at sa sarap muli ng pagkain, parang wala nang bukas
kung makalantak at halos mabundat na.Habang kumakain ay naging pagkakataon na
rin upang magsama-sama't sana'y maulit ang ganito.
11M-P. Nang makapagpananghalian, nagpagupit
pa ko. Kung kailan pauwi na'y laking gulat pagkat hindi akalaing makakasabay
ang dating guro na si Ma'am Julie. Walang ginawa kundi magkamustahan
kaming dalawa hanggang sa magkwento ito patungkol sa kanyang kalagayan. Sa mga
ikinuwento nito, ibig ko siyang tulungan kaso wala akong kakayahan at Diyos na
ang bahala sa kanya. Pagkauwi'y diretso pahinga ako. Kinagabihan at dahil
nababagot muli ng lagay, ayaw ko naman tumingin sa kawalan na wala namang
napapala kaya panonood ng telebisyon ang pampalipas oras. Maaga pa magigising
bukas kaya maagang natulog subalit hindi naman ako makatulog.
February 12, 2018
Monday
Year VI-043
11M-Q. Ala-una na ng madaling araw subalit
mababaw pa rin ang aking pagtulog. Lalo pa ko hindi makatulog dahil sa ingay ng
mga tambay. Kung makapag-usap at tawanan sila, akala'y walang natutulog at
masyado silang nakakabulahaw! Sa yamot, sinaway ko sila. Sa halip na masabihan,
sinagot-sagot pa ko't nilait-lait, nagliyab na ang aking dibdib kaya hindi na
napigilan pa ang sariling makipagsagutan sa kanila at magbitaw ng nagbabagang
salita na kasing init ng Lava Flow. Hindi naman nauwi sa away ang
pakikipagsagutan ko sa kanila't pagkat kaagad napaalis. Nag-uumapaw ang
pagkayamot ko nang oras na iyon at makapagsalita, akala'y sila ang hari ng
kalsada't harap-harapan pang binastos, mga walang modo! Tuluyan nang nawala ang
antok ko kaya kahit Ala-una pa lamang, nagkikilos-kilos na ko para sa pagpasok.
Sa aga kong umalis ng bahay, bandang Alas-singko na ng madaling araw
nakatungtong sa Court of Appeals at saktong naroroon pa si Papa na
naka-duty. Masyado pang maaga kaya umidlip muna ako.
11M-R. Saktong pagkaidlip ko nang gisingin
ni Papa at ayaing mag-almusal. Bwenas nanaman ang Sikmurang manlupaypay na sa
gutom pagkat sa McDonalds napiling kumain. Pagkabalik ng Court of
Appeals, wala pang gaanong mga empleyado't dala na hindi pa nagsisimula ang
office hours, umidlip muna ako. Ilang sandali pa nang magbukas ang office.
Pagpapamudmod ng Notification Letter sa bawat opisina ng mga mahistrado ang
ipinagawa sa akin ni Ma'am Rowena. Bukod sa pagod ay magkanda-hilo-hilo
ako sa kakalakad at ikot-ikot. Dahil nahihilo na ng lagay, pamaya't maya ang
paghinto ko.Sa dami ng mga Justice na kailangang bigyan ng Notification Letter,
abutin ng halos dalawang oras bago matapos at magkandapagod pagkabalik ng
office. May napuntahan naman ang aking pagod pagkat sa hindi inaasahan,
binigyan ako ni Ma'am Rowena ng pera.
11M-S. Labis ang pasasalamat ko sa kanya
kaya lalo pang inigihan ang mga gampanin. Bukod sa biniyayaan ng pera,
biniyayaan din ako ng pagkain mula sa mga staff. Mukhang napakabwenas ng araw
na ito sa akin pagkat nagkasunod-sunod ang biyayang dumarating kaya abot-langit
ang pasasalamat sa maykapal at ipinalalasap niya sa akin ang ganito. Sa bawat
hibla at pirasong laman ng manok, ninamnam ng maigi nang sa ganon ay masulit ng
husto. Balik sa dating gawain ang operasyon ng opisina matapos ang kainan. Gawa
na wala muling ipinapagawa sa akin si Ma'am Rowena, nilibang ko ang
sarili sa pagbabasa. Pamaya'tmaya naantala ang pagbabasa sa tuwing may naiuutos
si Ma'am sa akin. Sa halos tatlong linggong pag-i-intern ko'y may natutuhan
naman kahit paano at iyon ay mag-zerox ng mga papeles, paano naman ay palaging
iyon ang ipinapagawa't pakiwaring Utility Worker ang lagay at
napakasimple.
11M-T. Gayunpaman ay nagpapasalamat ako
pagkat hindi nahahapo. Maya-maya pa, lahat ng mga staff ay pinatawag ni Boss
Tibayan upang magpulong. Habang isinasagawa nila ang pagpupulong na tila
matatagalan pa, lumabasmuna ako't naisipang mamasyal sa Robinson Manila.
Sa lamig ng mall, bukod sa masarap mamasyal ay kay sarap din manatili roon.
Makaraan ang isang oras at kalahati nang bumalik ako ng office at nadatnang may
pinagkakasiyahan silang bagay kaya halos mayanig ang buong opisina sa ingay.
Walang magawa kaya umidlip muna ako. Pagpatak ng Alas-kwatro, sa wakas ay uwian
na rin. Napasarap ang kwentuhan ko sa kasamahan ding mga intern na mula sa EARIST
kaya hindi namamalayang malapit nang sumapit ang Alas-singko. Sa aking pag-uwi
ay baon ang sayang mababanaag sa mukha pagkat naging kagiliw-giliw ang mga
pangyayari sa araw na ito.
February 13, 2018
Tuesday
Year VI-044
11M-U. Sa sarap ng tulog, mismong si Ate na
ang gumising sa akin, malapit na palang pumatak ang Alas-singko kaya daglian
nang bumangon. Dahil inabot na ng rush hour bago makatungtong sa highway, sakit
na ulo muling trapik ang sumagupa sa aking pagbiyahe, ang resulta'y bandang
Alas-otso na ko nakarating ng Court of Appeals. Heto muli ako't
nakatunganga pagkat hindi binigyan ng pagkakaabalahan kaya pagbabasa ang aking
inatupag. Tigil ang masarap na pagbabasa nang utusan ni Ma'am Rowena na
ibigay ang letter sa isang mahistrado. Naloka lamang ako sa pinapagawa nito
pagkat ang Justice na pagbibigyan ng Letter, sa Cebu Branch ng Court
of Appeals pala nakadestino nang aking mabatid kaya daglian akong bumalik
ng office. Iyon pala, nagkamali si Ma'am at ibang justice pala ang ibig nitong
pasahan ng letterkaya labis ang tawa ko. Maigi na lamang, naging matanong ako
pagkat kung hindi, malamang ay magkandapagod na sa paghahanap ng taong wala
naman pala.
11M-V. Kaagad ko rin naman naibigay ang letter sa
Justice na iniatas sa akin at magkandapagod sa layong nilakad. Ilang sandali
pa, lunch break na't nagsisikainan na ang mga staff maliban kay Ma'am Rowena
na sa dami ng dapat asikasuhin ay abalang-abala pa rin sa ginagawa.
Nakaramdam ako ng habag sa kanya pagkat halos magkandakuba na ito sa dami ng
ginagawa't di na rin magkandaugaga kaya ibig itong tulungan, kaso di ko naman
alam ang kanyang ginagawa o tinuturo man lang. Hanggang pa-zerox lamang ang
maitutulong ko sa kanya't pambihirang gawain ito. Nang matapos ako sa
pinapagawa, saka lamang napagpasyahang kumain. Laking gulat nang malamang
magkakaroon pala kami ng Seminar ngayong araw sa school.
11M-W. Ikinayamot ko ang aking nalaman pagkat hindi
man lang sila nakapag-abiso ng maaga nang sa ganon ay makapaghanda't paalam sa
kanya-kanyang mga sitesang mga nag-i-intern gaya ko. Napakalaking abala talaga
ang ginawa ng mga nangangasiwa sa amin at kung magkakaroon pala ng seminar,
dapat man lamang ay nakapag-anunsyo ng maaga. Lalo pang nagliyab ang dibdib ko
nang malamang required ang ticket ng seminar sa clearance at sumusobra na sila pagkat
masyadong nang-iipit. Kasalanan naman nilakung bakit karamihansa amin, hindi
makakadalo sa seminar dahil sa late announcement! Sa inis, napapamura na ko't
grabe sila! Bumalik ako ng office na nababalutan ng yamot ang nasa dibdib.
Dahil may balak akong mag-overtime ngayong araw, nanatili muna ako ng office
kahit nagsisiuwian na ang mga empleyado.
11M-X. Mabuti na lamang, naroroon pa sina Ma'am
Lea at Ma'am Rochelle kasama ang mga intern kaya hindi ako nabagot,
bagkus ay nalibang pa nga habang kakwentuhan sila. Napasarap ang
pakikipagpalitan ko ng kuro-kuro sa kanila kaya hindi namamalayang Alas-singko
na pala. Sa takot na abutin ng siyam-siyam sa pag-uwi, hindi na
nagpatumpik-tumpik pa sa pag-alis. Anong trapik pagdaan ng Lawton, iyon
pala'y naganap na banggaan ng SUV at Motorsiklo na siyang nagdulot ng
matinding trapik, ang resulta'y bandang Alas-otso na ko nakauwi na lupaypay sa
pagod dulot ng traffic. Iba na talaga ang trapik sa panahon ngayon, bukod sa
nakakabigay ng stress, nakakasakit ng ulo. Sa pagod, hindi ko nahintay pang
lumalim ang gabi sa pagtulog.
February 14, 2018
Wednesday
(Valentine's Day)
Year VI-045
11M-Y. Araw ng mga puso at nagkataong
ngayong araw din ang Ash Wednesday hudyatng pagsisimula ng panahon ng kwaresma
na sumisimbolo sa apat na pung araw na pag-aayuno kaya doble ang pagdaraos sa
araw na ito. Kahit na Valentine's day kung hindi naman deklaradong holiday, may
pasok pa rin. Dakong Alas-kwatro na ng umaga ako nagising. Dahil naabutan muli
ng rush hour pagkatungtong ng highway, pahirapan muli ang pagsakay at traffic
pa lalong lalo na sa España. Sa sobrang trapik, halos tatlong oras akong
nakatengga sa bus subalit hindi naman nahuli ng dating. Mangilan-ngilang
empleyado pa lamang ang nadadatnan pagkatungtong ng office. Dala na maaga pa,
lumabas muna ako't naghanap ng matatambayan.
11M-Z. Pagkabalik, saktong naroroon na si Ma'am
Rowena na kaaga-aga'y aligagang-aligaga na sa ginagawa. Nakaramdam lamang
ako ng pagka-guilty pagkat halos magkandakuba na si Ma'am sa dami ng
inaasikaso, samantalang ako'y nakaupo't tunganga lamang. Ibig ko siyang
tulungan, kaso di alam kung paano. Paano naman kasi ako makakatulong kung di
naman nito tinuturo ang kanyang trabaho at kaya nga nag-intern para may
matutuhan ka't hindi na mangangapa-ngapa pa sa gawain oras na magkatrabaho,
hindi yaong kung ano-ano ang ipinapagawa na wala naman kinalaman sa iyong
kurso. Sa nangyayaring tila mauuwi lamang sa wala ang araw-araw na pakikibuno
sa Internship. Dala na wala naman pinapagawa, nagbasa-basa ako. Habang ako na
tahimik sa pagbabasa pagkat walang makausap, ang ilan sa mga kasamahang staff,
tuwang-tuwa sa Rosas na inihandog ng kani-kanilang mga iniirog.
11N-A. Maigi pa sila, may lovelife
samantalang ako'y nanatiling single ngayong araw ng mga puso subalit hindi iyon
ang dahilan para malungkot at isiping walang kwenta ang buhay sapagkat
naniniwala ako na maraming bagay ang nagbibigay ligaya, hindi lamang pag-ibig.
Naniniwala rin ako na kahit hindi pa nahahanap ang aking forever, may mga taong
handa akong mahalin. Ilang sandali pa nang may iutos sa akin si Ma'am Rowena
at iyon ay mag-zerox muli ng sangkatutak na mga mahahalagang dokumento.Dahil
nababagot ng lagay, hindi na sinayang pa ang pagkakataong makipaghuntahan sa
mga kapwa intern. Masaya ang aming pag-uusap kaya hindi na matapos-tapos pa ang
ipinapagawa sa akin. Ilang sandali pa ang makalipas, Lunch break na. Matapos
kumain at pagkadaan sa may Auditorium, may sinasagawa palang misa. Sa
kagustuhang malagyan ng abo sa noo ngayong Ash Wednesday, nakiisa ako. Dami
naming halakhak habang nagmimisa ang kura paroko't bawat paliwanag ay
nilalahukan ng katatawanan. Tama si Father, wala tayong karapatang pumatay
dahil hindi naman tayo ang nagpahiram ng buhay sa kanila kundi Diyoslamang.
11N-B. Nakakalungkot isipin na marami ang
maaring maparusahan dahil laganap na ang patayan sa panahon ngayon. Natutuhan
ko rinkung ano ang kahulugan ng Lenten at iyon ay buhay na ipinahiram ng
Diyos. Matapos ang homily, pumila na kami para magpalagay ng abo. Sa dami ng
nagsipagdalo, abutin halos ng kalahating oras bago ako mapahiran ng pakrus na
abo. Balik sa dating gawi ang lahat sa amin matapos ang Ash Wednesday Mass.
Habang lumilipas ang mga sandali, unti-unti nadagdagan ang mga Rosas at hugis
pusong ballon na nakatanghal sa opisina dahil maya't maya ang dating ng kani-kanilang
minamahal. Hindi magkandamayaw sa hiyawan oras na may nagbibigayan ng rosas at
nakakakilig.
11N-C. Kahit ordinaryong araw lamang ang
Valentine's day, ramdam ko ang pagiging espesyal nito sa office dahil masaya.
Sabi nina Ma'am Lea, taon-taon daw ganoon sa opisina nila tuwing
sasapitang ganitong petsa. Yung ilan sa mga empleyado, maaga nang umalis para
makipag-date sa kanya-kanyang minamahal. Pagsapit ng Alas-kwatro,sa wakas ay
uwian na rin. Dahil may balak mag-overtime, nanatili muna ako hanggang Alas-singko,
ang resulta'y inabutan ng matinding trapik dahil rush hour at maraming mga
trabahante ang nagsisipag-uwian sa kanya-kanyang bahay. Grabe ang trapik dito
sa Kamaynilaan at kalbaryo iyon para sa mga magsisipagpasok at uwian na.
Nakadagdag pa sa trapik ang kabi-kabilang bentahan ng mga rosas at Valentine's
gift. Umuwi akong dala-dala ang pagod sa katawan.
February 15, 2018
Thursday
Year VI-046
11N-D. Kakatapos lang ng pagdiriwang sa
Valentine's day at Bisperas naman ng Chinese New Year.Alas-kwatro pa lamang ng
madaling araw na kahit mugto pa ang mata dulot ng antok ay kailangan nang
imulat at bumangon. Pagkarating sa opisina, mangilan-ngilang mga staff pa
lamang ang nadadatnan kaya lumabas muna ako para mag-almusal. Dakong Alas-otso
nang mapagpasyahang bumalik at tila gaya ng kanina ang aking nadatnan pagkat
iilan lamang sila't marami ang wala subalit naroroon na sina Ma'am Rowena
at Sir Edward. Gaya ng mga nakaraang araw, pagsi-zerox ng mga papeles at
pagkuha ng files ng bawat empleyado ang ipinagawa sa akin. Hindi ko lamang
maiwasang mabagot pagkat napakasimple ng ipinapagawa. Dahil kainang magaganap
mamaya para sa Valentine's Party ng mga Personnel, abala na ang ilan sa
pagluluto. Bago sumapit ang tanghaling tapat nang dumating ang delivery boy.
Nasasabik man, mukhang ayaw kong makisalo mamaya pagkat nahihiya, hanggang
tingin na lamang marahil ako sa mga nakahaing iba't ibang putahe sa mesa.
Lumabas muna ako ng office para kumain at mananghalian.
11N-E. Pagkabalik, saktong nagkakainan na
sila't hindi ko man ibig ang makisalo pagkat ganap nang busog kung panay naman
ang alok, nagawa nang makikain. Iba't ibang pagkain na naiimbak ko sa Sikmura
at ang masasarap nitong lasa ang nagbura sa hiyang bumabalot sa dibdib kaya
nakailang balik ako. Hindi lamang kami ang nagkakainan, maging ang mga bisita
na inimbitahan sa ibang office kaya ang saya ay hindi mapigilan. Lalo pang
umigting ang saya nang biglang magpahagis si Ma'am Rowena ng barya't
kahit intern lamang ay nakisali na sa pag-agaw. Kahit papaano'y nakarami ng
kuha ng pera. Bukod sa nagpahagis ng mga barya si Ma'am Rowena,
nagkaroon pa ng palaro at iyon ay Bring me, something.
11N-F. Hindi mapigilan ang makaramdam ng
tensyon sa tuwing nag-uunahan sa pagbibigay ng ipinapakuhang bagay para lang
makatanggap ng papremyo at ang ilan, nagawa nang ihagis sa nagpapalaro. Sa
huli, wala akong nakuha ni isang premyo. Hindi pa natatapos ang saya pagkat
nagkaroon pa ng Charade. Sa una, nagtatalo-talo pa kung sino ang
magiging representative ng bawat pangkat subalit sa huli at hindi akalain na
ako ang mapipiling manlalaro.Para akong pinipitik ng kaba sa tuwing bubunot at
medyo nahirapan sa pagpapakita ng action kaya bukod sa hirap silang mahulaan
kung anong bagay ang ina-act, para na kong tanga. Kahit pinagtatawanan na sa pinaggagawa,
hindi naman ako nahihiya, bagkus ay natutuwa pa nga pagkat napapasaya ko sila.
11N-G. Sa huli, ang katunggaling si Charles
ang nanalo. Natalo man, hindi naman nadismaya pagkat may natanggap pa ring
papremyo. Magkahalong tuwa at pasasalamat ang nararanasan sa dibdib pagkat
dumarating ang biyaya nang hindi inaasahan o hinihiling. Dahil sa biyayang
aking natamo, nag-uumapaw ang aking pitaka. Balik sa dating gawain matapos ang
kainan at palaro. Walang magawa kaya naisipan na lamang makipaglaro sa mga apo
nina Ma'am Carmen at Boss Tibayan. Kahit paano'y
nalilibang-libang ng lagay sa dalawang napakakulit na tsikiting na nag-uumapaw
sa pagka-hyper. Pagpatak ng Alas-kwatro nang mapagpasyahan kong umalis. Wala
pang balak umuwi at dahil bisperas ng Chinese New Year, naisipan kong tumungo
sa Binondo.
11N-H. Pagkatungtong ng Binondo,
pakiwaring nasa bansang China ka na pagkat karamihan sa disenyo ng mga
establishimento, gaya sa mga Chinese at kaliwa't kanan na ang mga
nakasabit na palamuting pang-Intsik. Bago pumasok sa Chinatown,
nagdasal muna ako sa Binondo Church upang ipagpasalamat ang araw na ito.
Matapos magdasal, ipinihit ko na ang yapak sa Lucky Chinatown. Habang
binabagtas ang kahabaan ng Ongpin Street, walang ibang makita kundi mga
tinitindang pampaswerte at dahil dinudumog ng mga tao, naging pahirapan sa
pagkilos pagkat siksikan. Bukod pa roon ay kaliwa't kanan rin ang mga
nagtitinda ng Tikoy at En beetin Hopia, damang-dama ko na talaga
ang kultura ng mga Tsino. Maya-maya pa, natunghayan ko na ang
isinasagawang Dragon Dance at Lion Dance, nanatili muna ako para
manuod. Labis ang aliw ko sa panunuod ng Dragon and Lion Dance at
pakiwaring dinudumog ng swerte subalit para sa akin ay isa lamang ang
nagbibigay ng swerte at iyon ay ang Maykapal. Dahil sasalubungin ang pagpasok
ng Year of the Earth Dog, karamihan sa mga Souvenir na ibinibenta'y
hugis aso.
11N-I. Dahil masaya sa kabila na madumi at
makalat ang kaloob-looban ng Chinatown, nanatili ako roon maging sa
gabi't tamang pasyal-pasyal lang kahit sumasakit na ang kasu-kasuan sa kakalakad.
Ilang sandali pa nang may namataan akong taga-media ang nag-uulat at iyon ay si
Winnie Cordero. Habang nagre-report ang isa sa pinakamahusay na
Newscaster ng Pilipinas, tamang kuha lamang ng litrato at video sa
kanya. Nagsilapitan ang mga ibig makipag-Selfie sa kanya matapos nitong
mag-report at dahil malapit-lapit na sa kanya, sinunggaban ko na ang
pagkakataong makipag-picture kay Winnie Cordero at hindi naman ako
nabigo.Dahil ngayong gabi na sasalubungin ang pagpasok ng Bagong Taon,
kabi-kabilaan na rin ang mga nagsasagawa ng Concert. Ibig ko pa sanang manatili
hanggang hating-gabi upang matunghayan ang engrandeng fireworks display, kaso
kailangan nang umuwi.Naging sapalaran sa akin ang pag-uwi kaya inabot na ng
Alas-dyis nang makarating sa bahay. Sa tindi ng namamayaning pagod dulot ng
pamamasyal, kaagad na kong natulog. February 16, 2018
Friday
Year VI-047
11N-J. Dahil deklaradong holiday upang makiisa sa pagdiriwang ng Chinese
New Year, di maagang magigising pagkat walang pasok. Tila kay dali nating
maimpluwensyahan mga Pinoy pagkat niyakap na ng husto ang paniniwala ng
mga Tsino. Hindi naman masama o walang mawawala kung maniniwala subalit
ang masama'y nakakalimutan mo nang manalig at magsipag dahil iniisip mo na
nakasasalalay sa mga pampaswerte ang ikagaganda ng buhay. Palaging tandaan na
sa kabila ng mga bagay na inaakala nating nagbibigay ng swerte, Diyos ang tunay
na nagbibigay ng Swerte kaya huwag patulin ang pagsampalataya sa kanya.
Pagkakataon na rin ang araw na ito upang magpahinga matapos ang sunod-sunod na
araw na may pasok. Walang magawa at upang may mapagkaabalahan, naisipan kong
magsulat ng kwento.
11N-K. Pagpatak ng tanghaling tapat, anong alinsangan ng panahon at
aakalaing nasa panahon na ng tag-init kahit nasa Pebrero pa lamang. Pasapit
nanaman ang hapon kaya sumanib muli sa mga mata ang antok kaya nag-siyesta muna
ako. Hindi naman makatulog pagkat malapugon ang alinsangan ng panahon at sakit
sa ulo. Dala na napakasama ng init, mukhang sisipunin na ko. Maging sa gabi ay
dama pa rin ang maalinsangang panahon at bukod pa roon, maingay pa sa labas
dulot ng mga tambay. Ganap nang sumapit ang Alas-dyis, dinig ko pa rin ang
malakas nilang hagalpakan at tila walang balak magsipag-uwi. Gawa na kanina pa
naiirita sa kanilang ingay, lakas-loob nang pinagsabihan at sinaway.
11N-L. Sa halip na mapagsabihan, nagawa pa kong sagut-sagutin. Sa inis,
nakipag-sagutan na ko sa kanila. Hindi nauwi sa hidwaan at tumahimik naman sila
pero nang kinalaunan, kakarindi muli ang kanilang ingay. Kapag wala ka ngang
pinag-aralan o hindi nakapagtapos, hanggang tambay na lamang ang kayang gawin
sa buhay at lumalaking walang modo! Nag-uumapaw na ang pagkagigil ko kaya
darating na sa puntong ibig na silang sigawan subalit hindi ako tulad nila na
mahilig makipagbasag-ulo't marunong akong magpahalaga. Saka lamang pumayapa ang
kapaligiran nang magsialisan sila.
February 17, 2018
Saturday
Year VI-048
11N-M. Bandang
Alas-siete na nang magmulat ang mga mata. Gising na ang lahat ng kasamahan sa
bahay kaya daglian na kong bumangon at nag-almusal. Maya-maya pa at dahil
magkakaroon kami ng orientation ngayong araw para sa Graduation, naghanda-handa
na ko. Nakakatuwang isipin na matapos ang apat na taon, hindi akalaing malapit
nang dumating ang pinakahihintay at nakakasabik na nakakalungkot pagkat
magtatapos na ko sa pag-aaral subalit mami-miss naman ang mga naging kaibigan
nitong kolehiyo. Nawa sa aking pagtatapos, magandang opurtunidad ang
nag-aabang, hindi pahirapan ang makahanap niyon. Dadako nanaman pala ako sa
panibagong yugto ng buhay at sana'y kayanin kung anuman ang mga nakaamba.
Dakong Alas-dyis nang makaapak ako sa paaralan at saktong mangilan-ngilang
kamag-aral pa lamang ang nadadatnan. Sa halip na dumeretso sa Auditorium,
hinintay ko pang dumating sina Hannah (Bernardino) at Myrrh.
11N-N. Malapit
nang magsimula ang orientation subalit hindi pa sila dumarating kaya darating
na sa puntong ibig nang umakyat subalit biglang dumating si Hannah.
Ilang sandali pa, biglang nagsibabaan galing Auditorium ang karamihan sa mga Psychology
Student, iyon pala, sa Function Room gaganapin ang orientation, hindi sa
Auditorium, maigi na lamang at hindi pa kami nakakatungtong doon kaya hindi
nasayang ang pagod. Saktong may sinasagawa pang orientation para sa ibang kurso
kaya hindi kaagad nakapasok. Ilang minuto pa ang nakakaraan, pinapasok na kami.
Si Sir Max ang nanguna sa nasabing orientation at bawa sinasabi nito'y
mahalaga't kailangan ikintal sa isipan upang hindi magkaaberya pagdating sa
mismong araw ng Graduation. Kalagitnaan ng orientation nang dumating si Myrrh
maging si Nikki kaya ang pandinig na nakatuon lamang kay Sir Max,
napadako na sa kanila.
11N-O. Tumagal
ang orientation ng isang oras at sa halip na umuwi't dala na nagugutom na ng
lagay, kumain muna kami. Dahil ngayon lamang muli nagkikita-kita dahil abala sa
kanya-kanyang site, walang ginawa kundi magkwentuhan at tawanan. Sumaya muli
ang araw ko dahil sa kanila. Ilang sandali pa nang magpaalam na isa't isa.
Habang nasa biyahe't nuknukan sa trapik, hindi naman nabagot pagkat may
napagkakalibangan at iyon ay panonood ng drama. Hindi ko mapigilang magliyab
ang dibdib habang tinutunghayan ang eksena sa Ikaanim na utos at
pambihira, matapos ang napakaraming napagdaanan ni Emma sa kamay ng
kabet na si Georgia, ngayon lamang nito nalaman na si Sydney ang
nawawala nitong anak na pinalaki ni Georgia.
11N-P. Nakakaiyak
sapagkat kung kailan nakilala na ni Emma ang kanyang anak, saka pa ito
nasa panganib pagkat hostage ni Georgia. Bukod sa nakakaiyak ay
nanggigil ako't parang ibig sumigaw. Grabe ang bawat eksena sa Ikaanim na
Utos, bukod sa patungkol iyon sa pangangalunya ng may asawa, matitindi ang
dumarating na trahedya't dinaig pa ni Emma ang paghihirap ni Lily
Cruz sa Wildflower subalit sa kabila niyon ay nakakaya niyang
bumangon na tila labas na sa katotohanan pagkat napakaeksaherada ng ganap. Sa
sobrang tutok ng mata sa panonood, hindi namamalayang malapit na kong bumaba.
Saktong naghihingalo na ang liwanang nang makauwi ako't pagkain agad ang
hanap-hanap pagkat tinamaan muli ng kagutuman. Nababagot ako ng lagay kaya
panunuod ng telebisyon ang naging pampalipas oras. Matapos manuod at sa halip
na magpuyat pa, natulog na ko.
February 18, 2018
Sunday
Year VI-049
11N-Q. Saktong
nagniningning na ang sikat ng araw sa labas nang ako'y magising. Hindi lamang
naging maganda ang dating ng umaga pagkat sinisipon at bukod pa roon,
nangangati pa ang aking katawan na kagabi pa nararanasan at nagkakasugat-sugat
na nga sa kakakamot. Gayunpaman, walang dahilan upang mangamba pagkat tiwalang
hindi naman lalala basta idaan sa pag-iingat. Matapos mag-almusal at kahit
hindi kagandahan ang timpla, naglaba-laba pa rin ako para may magawa. Matapos
maglaba, naisipan kong magtinda. Bukod sa sinisipon ay patuloy pa rin
nangangati ang aking katawan at kay sarap kamutin kahit nagkakasugat-sugat na.
11N-R. Hindi
ko malaman kung anong sakit ang dumapo sa akin at huwag naman sanang maging
galis. Ilang sandali pa, itinigil ko muna ang pagtitinda para mananghalian.
Dama muli ang napakaalinsangang panahon kaya mukhang lalo pang magkakasakit at
parang lalagnatin. Kinahapunan, pamamalantsa naman ang aking napagkaabalahan.
Walang magawa kaya naisipang magpatugtog para malibang-libang at makalimutan
ang kinakaharap na suliranin. Sa kakapakinig ng musika't dahil nahumaling,
hindi namamalayang kumagat na ang dilim. Maging sa gabi'y patuloy pa rin
sinisipon, dahilan kung bakit hindi makatulog.
February 19, 2018
Monday
Year VI-050
11N-S. Ganap
nang sumapit ang madaling-araw subalit hindi pa rin makuha-kuha ang mahimbing
na pagtulog dala na sinisipon at nangangati pa ang katawan. Nawala na ang antok
sa mga mata kaya kahit Alas-tres pa lamang, bumangon na ko't naghanda-handa.
Kahit masama ang pakiramdam ay nagawa pa ring pumasok sa kagustuhang matapos
ang Internship. Pagkatungtong ng Court of Appeals, iilang staff pa
lamang ang nadadatnan subalit naroroon na si Ma'am Rowena na kaaga-aga'y
aligagang-aligaga na sa ginagawa. Dala na hindi makatulog kagabi, sumipa na ang
antok sa mga mata kaya umidlip muna ako. Habang papalapit ang pagpatak ng
Alas-otso ang unti-unting paghahari ng kaingayan sa buong opisina, di na tuloy
ako makatulog. May ipinagawa sa akin si Ma'am Rowena at iyon ay ihiwalay
ang bawat pahina ng Plantilla. Nang maihiwalay lahat ng hindi kailangan
na pahina, saka nito ipina-zerox. Sa kapal at dami ng pahina na kailangan
i-zerox, tumagal pa ko.
11N-T. Nadagdagan
pa ang aking gawain nang ipinababalik ni Ma'am ang lahat ng kinuhang pahina
mula sa Plantilla. Sa hindi inaasahan ay nagkaroon ng problema nang
ibigay ko kay Ma'am Rowena ang ipina-zerox na Plantilla
pagkat kulang-kulang at nawawala raw ang ilang pahina. Labis ang aking
pagtataka't hindi malaman kung paano nangyaring nagkandawalaan ang mga pahina,
samantalang kumpleto naman ito nang aking suriin bago ibigay sa kanya. Parang
kulog kung dumagundong ang kaba pagkat malilintikan nito kay Ma'am at marami na
nga itong pinoproblema, dinagdagan ko pa. Labis ang pagkadismaya't hindi
akalaing papalpak sa kabila na inaayos naman ang pinapagawa. Sa kagustuhang
makabawi't hindi matuloy ang pag-iinit ng ulo ni Ma'am, nagkumahog ako sa
paghahanap ng mga pahina. Anuman ang aking pagkukumahog, hindi pa rin
masumpungan ang mga pahina kaya panay ang paghingi ng paumanhin at nag-isip ako
ng paraan.
11N-U.
Abot-langit ang aking pagka-stress at dahil sa kapalpakan ko, mukhang
magkakanda-letse-letse ang trabaho ni Ma'am Rowena. Sa bait nito, kahit
kita na sa kanyang mukha ang pagkabanas, hindi naman nito nagawang pagtaasan
ako ng boses o mura-murahin. Nagi-guilty na disappointed pagkat nakonsumi ko si
Ma'am Rowena. Saktong nagkakainan na ang karamihan sa mga staff sa
ibinigay na Pancit, gustuhin man kumuha't makisalo sa kanila kaso umiiral ang
hiya sa dibdib. Laking gulat ko pagkat bukod sa inalok ni Ma'am Belen,
nag-abala pa itong hainan ako ng pagkain. Nag-uumapaw ang tuwa ko sa kanya
pagkat napakabusilak ng kanyang kalooban at kahit pangalawa ito sa pinakamataas
sa Personnel, marunong itong makitungo sa nakakababa sa kanya't approachable.
Ibig kong suklian ang kabutihang loob na ipinapakita niya sa akin kaya naisipan
ko itong bilhan ng pagkain maging si Ma'am Rowena para makabawi kahit
paano sa kanya.
11N-V. Namayani
ang tuwa sa dibdib pagkat bukod sa tinanggap nito ang aking handog, ramdam ko
na appreciated niya ang ibinigay na pagkain. Nawa'y pagpalain pa lalo ang mga
taong may mabubuting loob gaya ni Ma'am Belen. Walang magawa at dahil
tahimik ang buong opisina, naging pagkakataon iyon upang umidlip. Pagpatak ng
Ala-una nang manumbalik sa dating ingay ang buong Office. Mukhang sagana ngayon
sa pagkain ang office pagkat may dumating muling pagkain at iyon ay Palabok.
Muli, gawa na takam na takam ay ibig kong makisalo, kaso pinangunahan ng hiya.
Kung kailan malakas na ang loob at kukuha, saka pa naubos ang Palabok at
sayang! Wala talagang magandang idudulot ang pagiging mahiyain at lahat ng
naisin, nauudlot. Pagpatak ng Alas-kwatro, dumating na rin ang aking
pinakahihintay, ang uwian. Masama-sama pa rin ang pakiramdam ko kaya kaagad na
nagpahinga pagdating ng bahay. Kinagabihan at dahil walang magawa't makausap,
pagbabasa't panunuod na lamang ang pampalipas oras. Nang tamaan ng antok, saka
lamang napagpasyahang matulog.
February 20, 2018
Tuesday
Year VI-051
11N-W. Namamayani pa ang kaantukan sa mga
mata na siyang nagbibigay katamaran sa pagbangon. Umaga na't tinatamad man ay
kailangan ko nang bumangon at maghanda-handa para sa muling pagpasok.
Nakakatuwa nga lang isipin na ito na ang huling linggo ng aking Internship at
sa wakas, matatapos na rin. Dahil maaga umalis ng bahay, maaga rin akong
nakarating ng Court of Appeals. Saktong wala pa ang halos lahat sa mga
empleyado kabilang si Ma'am Rowena kaya nanatili muna sa labas at
nagpahangin. Bandang Alas-otso nang mapagpasyahan kong bumalik ng opisina't
kapansin-pansing tahimik at iilang staff pa lamang ang pumapasok. Isang oras na
ang nakakaraan, tila hindi sila nadagdagan at karamihan ay wala. Iyon pala,
nalaman-laman ko na nag-out of town daw ang mga wala kabilang sina Ma'am
Rowena at Ma'am Liza. Dahil absent ang aking butinhing boss, heto
ako't nga-nga pagkat walang ginagawa.
11N-X. Ibig ko sanang makipagkwentuhan
kina Ma'am Lea pagkat nababagot ng lagay, kaso hindi ko ibig ang
makaabala sa kanilang ginagawa. Dahil walang magawa, pamaya't maya ang labas ko
para magpahangin. Ilang sandali pa ang nakakaraan, sa wakas ay Lunch break na.
Dahil tahimik at nakakabagot nang manatili sa office pagkat wala naman
pinapagawa, napagpasyahan ko nang umuwi matapos mananghalian. Halos ikaliyo ko
ang maalinsangang panahon kaya diretso kaagad sa pagligo pagkatungtong ng
sariling tahanan para maibsan ang init ng katawan. Tila kay aga nga naman ng
pagpasok ng panahon ng tag-init at nawa'y lumamig muli. Kinagabihan at dahil
walang magawa, panunuod ng telebisyon muli ang siyang pampalipas oras. Ilang
sandali pa't nang makaramdam ng antok, saka lamang napagpasyahang matulog.
February 21, 2018
Wednesday
Year VI-052
11N-Y. Ang sarap pa sana ng tulog
subalit nasira dahil sa bangayan ng kapit-bahay na sina Regine (Cebrero)
na kaaga-aga'y nagliliyab na't palitan pa ng malulutong na mura. Bukod sa
nagbabangayan, narinig ko rin ang paglipad ng mga kagamitan, mukhang seryoso
nga ang kanilang hidwaan at kulang na lamang, magpatayan na. Kaagad naman
humupa ang kanilang bangayan at hindi na nahiya, hindi inisip na marami pang
natutulog sa mga oras na iyon. Alas-kwatro na pala ng umaga't dahil tutungo ako
ngayong araw sa School, mas piniling ipagpatuloy ang pagtulog kaysa bumangon
na. Bandang Alas-siete nang ako'y magising at tila nakangiti ang araw sa akin
na siya pa lalong nagbigay sigla na tinataglay ng loob. Pagkatungtong ng
Unibersidad at dahil na-miss ko ng husto ang pinapasukang unibersidad sa
araw-araw, tumungo muna ng library at nanatili.
11N-Z. Nakakalungkot isipin na
malapit ko na palang iwan ang Our Lady of Fatima University na apat na
taon kong nakasama habang nasa kolehiyo't naging masaya bilang buhay estudyante
pagkat sa kabila ng mga kinakaharap na stress dulot ng sangkatutak na mga
activity, naranasan ko talagang magkaroon ng kaibigan na uunawa't papahalagahan
bilang ako. Bukod pa dun karamihan sa mga professor na nakilala ko'y mababait
at ang napalapit na ang loob ko sa kanila. Tila kay hirap para sa akin ang iwan
ang pagiging kolehiyo pagkat maraming masasaya't makukulay ang naganap.
Maya-maya pa, tumungo na ko sa Guidance Office para magparehistro sa gaganapin
muling Psych Night sa susunod na buwan. Pagkatapos ay umalis na ko.
Habang nasa biyahe, laking gulat ko nang masilayan kung paano hablutin ng Snatcher
ang Cellphone ng babae habang kasagsagan ng trapik at hinabol nito.
11O-A. Magkahalong awa at yamot ang
naramdaman ko nang makita iyon at dapat sa mga taong walang ibang hanap-buhay
kundi magnakaw, pinaparusahan kung wala na talaga sa kanila ang magbago.
Nagsilbing leksyon sa akin ang sinapit ng babae mula sa Snatcher kaya
lalo pang inigtingan ang pag-iingat, sa panahon na laganap ang nakawan at
karahasan. Bago pumasok sa Court of Appeals, naisipan ko munang mamasyal
sa Intramuros. Habang nililibot ang kaloob-looban ng Intramuros,
karamihan sa pundasyon ng mga gusali ay pinaglumaan ng panahon subalit
matitibay at makakapal ang mga pader nito na gaya sa panahon ng mga Kastila ang
disenyo. Para akong dinala sa ibang lugar habang nasa Intramuros pagkat
malinis at malayong-malayo sa lugar ng Ermita na bukod sa mapolusyon,
madami pang nagkalat na mga palaboy sa lansangan.
11O-B. Bukod pa dun, ang kanilang
transportation ay Kalesa't kaliwa't kanan rin ang makikitang mga dayuhan. Sa
ganda ng Intramuros, bukod sa sarap balik-balikan upang pasyalan, sarap
din ang manatili o tumambay at maraming makukuhang magagandang Photoshoot.
Sumasakit na ang paa ko sa kakalakad kaya kahit hindi pa nalilibot ang buong Intramuros
sa lawak nito, napagpasyahan nang umalis. Walking Distance lamang ang layo ng
Intramuros sa Court of Appeals kaya kahit tirik na tirik at
makapasong-balat pa ang sinag ng araw, nilakad ko na lamang, ang resulta'y
pawisan at lupaypay akong nakarating. Kahit bandang Alas-dos na nakapasok,
hindi naman napagalitan ng mga staff.
11O-C. Wala pa rin si Ma'am
Rowena at dahil wala naman pinapagawa sa 'kin si Sir Edward,
tinulungan ko na lamang ang ka-intern na si Lisa sa pagsasaayos ng mga
Certificate ng bawat empleyado. Sa dami, hindi iyon naging madali't nakakabigay
stress pa. Alas-kwatro na subalit hindi pa kami natatapos sa pagsasaayos ng
Certificate kaya napagpasyahang ipagpabukas na lamang. Wala pang balak umuwi
kaya nakipagkwentuhan muna ako kina Evesen at kahit kamakailan lamang
nagkakilala, kung makipag-usap ay parang malapit na sa isa't isa.
Nakakapanghinayang lamang dahil kung kailan patapos na ko, saka pa napapalapit
ang loob sa kanila. Napasarap ang kwentuhan namin kaya hindi namamalayang
Alas-singko y medya na pala't kailangan nang umuwi. Dahil naabutan ng rush hour
at naipit muli sa usad pagong na trapiko, ginabi na sa pag-uwi.
February 22, 2018Thursday
Year VI-053
11O-D. Napasarap ang aking tulog
kaya tinanghali na sa paggising. Nakakatuwa sapagkat hindi akalaing dalawang
araw na lamang ang nalalabi ng aking OJT at mami-miss ang mga naging
parte ng buhay ko. Dahil tinanghali na, bandang Alas-dyis na ko nakaapak sa Court
of Appeals. Saktong pumasok na si Ma'am Rowena subalit wala naman
itong pinapagawa, nakakapagtaka pa pagkat ni hindi niya ko pinapansin. Hindi ko
mawari kung may nagawa bang kasalanan sa kanya kaya ganon na lamang ang
pakikitungo nito sa akin o sadyang marami itong ginagawa kaya wala nang panahon
para pansinin ako. Gayunpaman, ipinagsawalang bahala ko na lamang ang namumuong
agam-agam sa dibdib. Dahil wala naman sila pinapagawa sa akin, tinulungan ko na
lamang sina Charles at Lisa sa pagsasaayos ng sangkatutak na mga
Certificate. Sa buong umaga'y pag-asikaso ng mga Certificate ang aking
pinagkaabalahan. Sa sobrang abala, hindi namamalayang oras na upang
mananghalian.
11O-E. Matapos kumain at dahil
lunch break, sinamantala ang oras upang magpahinga. Pagsapit ng Ala-una nang
ipagpatuloy ang pagsasaayos ng mga Certificate. Maya-maya at dahil pakiwaring
makukumpleto ko na ang hinihinging oras ng OJT, naisipan nang ipabilang
kay Ma'am Grace ang time card. Naghuhumiyaw ang dibdib sa galak pagkat
kahapon pa raw ako tapos at laking pasalamat pagkat nakaraos din. Kahit tapos
na ang dahil ipit na ang araw bukas, magagawa pa ring pumasok para magkaroon ng
panahong makapagpaalam ng pormal at magpasalamat na rin sa ipinakita nilang
kabutihang loob sa akin lalong-lalo na si Ma'am Belen. Nang maisayos
lahat ng Certificate base sa Initial Surname ng mga kalahok at office na
kinabibilangan nila, tinulungan ko pa sina Charles sa pagsasaayos ng mga
natitira pang certificate. Marami man, hindi naman nakaka-stress at panay ang
tawa sa kanila habang nagpapalitan ng kuro-kuro.
11O-F. Sa sobrang dami, nagsiuwian
na ang karamihan sa mga staff subalit hindi pa kami natatapos at ibig nang
ipagpabukas na lamang subalit hindi sila pumayag. Natapos naman namin
kinalaunan subalit laking taka at gulat nang matuklasang marami pa palang hindi
nagagawan ng certificate kabilang si Ma'am Rochelle. Sa halip na
problemahin, mas piniling umalis na. Habang nasa biyahe at sa hindi inaasahang
pangyayari, tumirik ang Bus na sinasakyan. Dahil nagkaroon ng aberya,
kinailangan kaming pababain at ni-refund. Hindi ko lamang maiwasang mayamot
pagkat rush hour na't paniguradong pahirapang makahanap ng masasakyan.
11O-G. Mula Quezon Avenue
kung saan tumirik ang Bus hanggang Philcoa, nilakad ko muli kahit labag
sa kalooban at nakakapagod. Ang resulta, may kalaliman na ang gabi nang
makarating sa bahay at saktong naroroon ang panauhin na si Tita Susan.
Nawala ako sa mood dulot ng nangyari sa biyahe kaya walang ganang makipag-usap
sa kanya. Matutulog na sana ako subalit hindi magawa pagkat nangangati muli ang
aking katawan at nagkakasugat-sugat na nga sa kakakamot. Gayunpaman na
nagkakaproblema na sa balat na mistulang may Bulutong sa dami ng pulang
batik-batik, walang dapat ipangamba pagkat malayo naman sa bituka.
February 23, 2018
Friday
Year VI-054
11O-H. Dahil patuloy na nangangati
ang halos buong katawan, hindi na makatulog. Sa kati, ibig nang huwag kamutin
pagkat nagkakasugat-sugat at gasgas na, hindi pa rin mapigilan at nasasarapan
ako. Hindi ko mawari kung anong sakit ang dumapo't bakit nagkakaganoon ang
balat. Gayunpaman na nagkakasugat-sugat na, huwag sana mauwi sa Ketong. Dahil
nakumpleto na ang oras at last day ko na ngayong araw sa OJT, hindi na
kinailangan pang pumasok ng maaga. Bago pumasok ay sinamahan ko muna ang Tita
Susan sa pagbili ng mga plato't tasa. Ilang sandali pa, nagpaalam na kami
sa isa't isa. Bandang Alas-onse nang makarating ako sa Court of Appeals.
Iilang staff lamang ang nadatnan ko subalit naroroon sina Ma'am Rowena
at Sir Edward maging si Ma'am Belen, hindi ko na pinalagpas pa
ang pagkakataong makapagpaalam sa kanila. Magpapaalam sana ako maging sa mga
kapwa Intern, kaso si Evesen lamang ang pumasok wala sina Charles.
11O-I. Nanatili muna ako ng office
upang hintayin ang certificate. Dalawang oras na ang nakakaraan, hindi pa rin
napipirmahan ng nakakataas ang aking Certificate, medyo naiinip na rin pagkat
kanina pa naghihintay kaya napagpasyahang sa susunod na linggo na lamang kuhain.
Bukod sa galak ay magaan din ang pakiramdam pagkat natapos ko na lahat ng
setting sa OJT at graduation na lamang ang hinihintay. Batid ko na ang
pagtatapos ay di nangangahulugang tapos na, bagkus ay pagsisimula pa lamang
iyon ng mas malaking hamon at pakikibaka sa buhay kaya sana'y kayanin ko ang
mas malaki pang hinaharap sa pagtatapos ko sa pag-aaral. Kakayanin basta
hawakan lamang ang pananalig at tiwala sa sarili. Pagkauwi, kaagad akong
nagpahinga. Kinagabihan at dala na nababagot at walang makausap, naisipan kong
magpatugtog. Dahil may lakad pa ko bukas na minsan lamang gagawin sa tana ng
buhay, maaga akong natulog.
February 24, 2018
Saturday
Year VI-055
11O-J. Hindi nanaman ako makatulog
dulot naman ng pagkasabik sa napipinto kong pagbisita sa Tagaytay. Dahil
may kalayuan ang Tagaytay mula dito sa Kalakhang Maynila,
Alas-kwatro y medya pa lamang ay gumising na ko't naghanda-handa. Balak ko
naman sabihin kina Mama ang balak ngayong araw, kaso mahirap na't baka
mapurnada na lamang ang aking plano na halos isang buwan pinaghandaan kapag
hindi pinayagan kaya tikom ang bibig sa tuwing tatanungin, kaso naging
masiyasat sila kaya nagawa nang magsinungaling. Batid kong masama ang aking
ginawa, kaso wala nang maisip na paraan. Nang maihanda lahat ng kakailanganin,
saka lamang umalis ng bahay. Bago bumiyahe patungong Tagaytay, nagtungo
muna ako sa Simbahan para magdasal. Patawaran nawa ako ng maykapal sa nagawang
mga kasalanan gaya ng pagsisinungaling at huwag sanang pahintulutan ang hindi
kanais-nais habang namamasyal na isa sa tanyag na Tourist Spot sa bansa.
11O-K. Sa layo ng biyahe at
traffic pa, halos apat na oras bago ako makatungtong ng Tagaytay at
saktong tanghaling tapat na. Makalipas ang halos labing-isang taon magmula ng
huling nakapunta sa Tagaytay nung aming lakbay araw nung Elementary pa
lamang ako, nakakatuwa pagkat nakatungtong muli ako sa lugar na 'yon at marami
nang mapapasyalan na dati'y kailangan pang mamasahe pagkat layo-layo ang mga
Theme Park. Dahil nasa talampas ang Tagaytay, ibang-iba ang klima doon
pagkat kahit tanghaling tapat at tirik na tirik ang haring araw, hindi man lang
maramdaman ang init nito, ni hindi na nga kailangan pang magpayong at hindi
pagpapawisan kahit maglakad pa sa ilalim ng araw. Bukod pa dun ay mahangin at
ang sarap sa pakiramdam. Una kong pinuntahan ang Sky Ranch at dahil
abot-kaya ang Entrance fee, hindi nagdalawang isip na pumasok.
11O-L. Kahit mag-isa lamang na
namamasyal, hindi naman nalulumbay pagkat maraming makikitang magaganda't
mapapasyalan. Bukod pa roon ay tanaw na tanaw ang Taal Lake na
nakapalibot sa Bulkang Taal at sa ganda ng tanawin, maya't maya ang
lingon ko roon at kuha ng litrato. Balak ko sanang sumakay sa mga rides pagkat
nakakaaliw, subalit baka kapusin sa kwarta pagkat may pupuntahan pa. Sunod ko
namang dinayo ang Palace in the Sky. Para akong dinala sa langit habang
naroroon at sa tayog nito, bukod sa Taal Lake at Bulkang Taal,
tanaw rin maging Laguna Lake at bulubundukin ng Sierra Madre,
parang halos buong komunidad nga ng Tagaytay, matatanaw at di mapigilan
ang mapa-wow pagkat saan ka man lumingon ay napakaganda ng tanawin. Bukod pa
roon ay napakahangin at halos liparin ka na nga subalit sa tuwing hahaplos ang
malamig na hangin, langit ang 'yong mararamdaman. Lalo pang nagningning ang
mata sa pagkamangha nang makita ng malapitan ang bunganga ng Bulkang Taal gamit
ang Telescope at maging malalayo, tanaw na tanaw.
11O-M. Sa sarap ng hangin, hindi
ka maiinip na manatili sa Palace in the sky, parang gusto mo na nga doon
tumira. Sunod na aking pinuntahan ang Picnic Groove. Bukod sa pook
pasyalan, marami ring mabibiling mga pagkain at Souvenir na pasalubong sa
pag-uwi't dahil sagana ang Tagaytay sa pinya, karamihan ng mga tinitinda
roon ay mga pinya. Bukod sa tanaw na tanaw ay parang ang lapit na sa'yo ng Bulkang
Taal, ilang dipa na lamang marahil ay nasa Batangas ka na. Habang
nililibot ang kaloob-looban ng Picnic Groove, samu't sari ang makikita
gaya ng mga kubo't upuan, bukod pa roon ay may mga rides din at kabayo. Dahil
abot kaya, sinubukan kong magpa-picture habang nakasakay sa kabayo. Sa dami ng
magagandang pasyalan sa Tagaytay, ibig ko pang mamasyal nang mamasyal,
kaso kailangan nang umalis at baka gabihin sa pag-uwi. Bago ko lisanin ng
tuluyan ang Tagaytay, naghapunan muna ako para hindi gutumin habang nasa
biyahe.
11O-N. Kahit saglit lamang ang
pananatili roon, sulit naman dahil maraming napasyalan at nakuhaan ng litrato
na titig-tigan para gunitain ang sandali habang namamasyal. Sa layo ng biyahe
at traffic pa, dakong Alas-dyis na ng gabi nakauwi. Dahil binabagabag na ng
konsensiya, kahit inaasahan ko na makakatikim ng mabibigat na salita,
nagpakatotoo na ko kina Mama. Hindi naman nagalit si Mama, bagkus ay sabik na
sabik pa nga itong makita ang mga litrato ko na nasa Tagaytay subalit
ang ate, apaw na apaw ang galit at tila dinaig pa si Mama kung manermon. Iyan
ang hirap sa kanya, masyado niyang minamaliit ang kakayahan ko kaya niya iyon
nasasabi. Nauunawaan ko naman ang ate pagkat nag-aalala lamang siya subalit sa
halip na tuwa'y sumasama lamang ang loob ko dahil hindi nito iniisip na hindi
na ko bata't nasa hustong edad na. Gayunpaman ay nagpapasalamat ng lubos sa
maykapal pagkat ligtas na nakarating ng bahay kahit may kalayuan ang aking
napuntahan. Sa pagod, hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa pagtulog.
February 25, 2018
Sunday
(People Power Revolution)
Year VI-056
11O-O. Dahil napagod nang husto sa
maghapong pamamasyal sa Tagaytay, tinanghali na sa paggising. Hanggang
sa araw na ito'y sariwang-sariwa pa rin sa isipan ang sandaling namamasyal ako
sa Tagaytay at sarap magbalik-tanaw. Bukod sa Tagaytay, sana
magkaroon pa ko ng pagkakataong makapamasyal sa ibang lugar. Pagkaalmusal at
dahil walang ibang bagay ang pagkakaabalahan, pagtitinda ang aking inatupag.
Dahil Linggo at walang pasok, naging malakas ang bentahan, kadalasang mabili
ang Sigarilyo't alak. Kung ano pa talaga ang hindi nakakabuti, siya pa ang
tinatangkilik. Maya-maya'y bigla akong nakaramdam ng antok at dala na hindi
mapigilan, kahit hindi pa oras upang mag-siyesta'y umidlip muna ako.
11O-P. Kinahapunan, naisipan kong
magsimba. Tungkol sa pagtitiwala ang naging homiliya ng pari. Gaano man kabigat
ang kinahakarap na problema na tipong maihahalintulad sa madilim na kwebang
tinatahak na tila hindi na masilayan ang liwanag, huwag mawalan ng pag-asa't
patuloy na magtiwala't manalig sa Diyos dahil lahat ng bagay ay may hangganan
gaya ng problema o pagsubok. Sumagi sa aking isipan habang nagsasalita ang pari
ang patungkol sa pagsubok na aking kinakaharap gaya ng pagkakasakit at mga
personal na problema sa buhay. Nakakatuwang isipin na ang lahat ng iyon ay
nalampasan at laking pasalamat pagkat hindi nagawang sumuko, kaya heto ako
ngayon at nanatiling buhay at nakatindig dahil iyon sa panginoon na sa sobrang
pagmamahal niya'y hindi nito magawang pabayaan tayo. Matapos ang misa, tumungo
muna ako sa Ever Gotesco Mall upang doon na maghapunan. Saktong inabot
na ko ng gabi sa pag-uwi.
February 26, 2018
Monday
Year VI-057
11O-Q. Pagkagising ay kaginhawaan kaagad sa
dibdib ang sumalubong pagkat sa wakas, natapos din ako sa OJT at may
panahon na upang magpahinga't magsarap buhay matapos ang mga mabibigat na
gawaing na aking kinaharap. Pagkaalmusal at para may mapagkaabalahan at hindi
mabukbok ang buong katawan sa kakaupo, naisipang gampanan ang responsibilidad
bilang tagalinis ng bahay. Ang sarap sa pakiramdam kapag nakakatulong ka,
naipapakita mong may silbi ka, lalo na kapag napupuri, pakiwaring nakikita nila
ang iyong halaga. Kinagigiliwan ko ang mga taong may pagpapahalaga sa kung sino
at ano ako subalit kinamumuhian ko naman ang mga taong hindi marunong
magpahalaga, hindi lang sa akin kundi sa lahat ng nilalang sa Mundo.
11O-R. Sa totoo lamang, kung sino pa ang
hikahos at lumaki sa hirap, sila pa ang marunong magpahalaga samantalang ang
mga lumaki sa marangyang buhay, karamihan ay walang pagpapahalaga't sarili
kapakanan lamang ang pinapahalagahan! Matapos maglinis sa loob ng bahay, heto
muli sa pagtitinda. Kasalungat ng kahapon ang nangyayari ngayon pagkat naging
matumal ang bentahan. Gayunpaman ay kinailangan ko pa rin maging matiyaga.
Kinahapunan, dama muli ang maalinsangang panahon. Dahil walang magawa sa loob
ng bahay, panonood na lamang ng telebisyon ang naging libangan hanggang gabi.
Maalinsangan na nga ang panahon, nuknukan pa ang ingay sa labas at tila wala
nang masumpungang katahimikan sa mundo. Hindi rin muli makatulog gawa na
nangangati ang katawan.
February 27, 2018
Tuesday
Year VI-058
11O-S. Mataas na ang sikat ng araw sa labas
nang magmulat ang mga Mata. Matapos mag-agahan at dahil kailangan kong pumunta
ng School ngayon, daglian nang naghanda-handa. Umaga pa lamang subalit
nag-uumapaw na ang aking stress dulot ng traffic dahil sa itinatayong MRT-7.
Bago ako tumungo sa School, dumaan muna ako sa Guidance Office ni Ma'am
Paula para kamustahin ang aking Evaluation Sheet maging siya subalit wala
pa rin ito nang aking datnan. Sinabi sa akin ni Ma'am Aileen na
naka-leave pa rin ito. Nang mabatid na wala talaga si Ma'am Paula,
tumungo naman ako sa Guidance Office ni Sir Jansen. Hindi pa nga ako
nakakakaapak sa Guidance Office nito nang magsalubong kami. Makikipagkamustahan
at kwentuhan sana ako kaso kakain ito kaya umalis na lamang at nagtungo na ng
Main School.
11O-T. Pagkadako roon, ang daming mga
estudyante na karamihan ay Senior High School ang lumalabas kaya naging
pahirapan sa akin ang kumilos. Lalo pang kumapal pagkadaan sa may Quadrangle
at may nagaganap palang singing contest. Sa halip na manuod, mas pinili ko na
lamang magtungo ng library para hanapin sina Myrrh at Nikki.
Sinuyod ko na ang kaloob-looban ng library, kahit mukha nang tanga sa
kakabalik-panaog subalit hindi sila masumpungan. Matapos ang paghahanap sa
kanila, tumungo ako ng Dean's Office para humingi ng Evaluation Sheet subalit
wala ang nangangasiwa. Walang magawa kaya naisipan ko munang magkumpyuter.
Pagkabalik ng Dean's Office, saktong naroroon na ang nangangasiwa't kaagad na
nakakuha ng Evaluation Sheet. Wala pa kong balak umalis kaya tumungo muli sa
Library, nagbabakasakaling naroroon ang mga kaibigan.
11O-U. Saktong nandoon si Nadia,
non-stop muli kami sa kwentuhan. Ilang sandali pa, kinailangan ko nang
magpaalam sa kanya. Tumungo muna ako ng SM para ipaayos ang laptop.
Pagkapaayos at dahil wala pang balak umuwi, nanatili muna ako roon at
nakipagtiktikan sa mga Chatmate. Medyo nahumaling ako sa pakikipag-chat kaya
hindi namamalayan ang oras. Kahit madalas ay mapag-isa lamang, hindi ko
maramdaman na mag-isa lamang talaga pagkat may nagmamahal sa akin o
nagmamalasakit, kahit iilan lamang sila. Kahit iilan lamang o kakaunti, ang
mahalaga ay meron. Pagkauwi'y diretso ako sa panunuod ng telebisyon.
Kinagabihan, pakikipag-chat muli ang inatupag ko't dahil napapasarap, hindi
namamalayan ang pagsapit ng mga sandali. Lalo pa kong natuwa nang biglang
i-chat ni Special Someone, nanggigigil tuloy sa kilig ang dibdib dahilan kung
bakit hindi makatulog. Sana maganap muli ang ganong pagkakataon at sarap damhin
sa dibdib.
11O-V. Dahil hindi makatulog kagabi dulot
ng nag-uumapaw sa tuwa at sigla na pakiwaring nalulunod, tinanghali na ko ng
gising. Pagkaalmulsal, heto muli ako't naghanda-handa pagkat kailangan kong
bumalik sa Court of Appeals para kuhain ang Certificate at magpa-evaluate.
Habang nasa biyahe at pagkadaan sa may Santo Domingo, biglang bumigat
ang trapiko, iyon pala'y may mga nasunugan at tulong-tulong sila sa paglilinis
at labas ng mga natupok na kagamitan. Sa lawak at dami ng bahay na nasunog,
kalunos-lunos naman pala ang kanilang sinapit kung iisipin. Dulot ng trapik
dahil sa nangyaring sunog, bandang Alas-onse na nakaapak ang makinis na yapak
sa Court of Appeals, saktong gawa at pirmado na ang Certificate subalit
hindi muna ako umalis pagkat magpapa-evaluate. Sa sobrang abala ni Ma'am
Belen, nahirapan akong lapitan ito para magpa-evaluate pagkat nahihiya't
ayaw ko namang makaabala sa kanya.
11O-W. Habang naghihintay ng tiyempo,
nakipagkwentuhan at kamustahan muna ako kina Ma'am Rochelle at Ma'am
Lea. Sila ang nag-alis ng aking pagkabagot habang naghihintay at
nakakalibang. Lalo pa kong natuwa nang pakainin ni Ma'am Lea at
napakabait nito. Nang kanilang Lunch Break, sinamantala ko na ang pagkakataon
para magpa-evaluate kay Ma'am Belen. Patuloy na pumipintig ang hiya
maging ang kaba habang inilalapit ang yapak sa kwarto nito subalit nilakasan
ang loob. Nakausap ko naman ito, ang kaso ay kumakain pa kaya napagpasyahang
mamaya na lamang. May napansin lamang ako kay Ma'am Belen pagkat ramdam
ko ang pagiging bugnutin niya't mailap na dati naman na bukod sa mabait ay warm
at friendly makisama, nahihirapan na tuloy na kibuin siya.
11O-X. Makalipas ang ilang sandali, pumasok
muli ako sa kanyang kwarto. Sa una'y medyo nag-aalangan pa siyang bigyan ako ng
grado, lalo na't hindi naman siya ang may hawak sa akin kundi sina Ma'am Rowena
at Sir Edward na hindi malaman kung sino ba talaga sa kanila ang boss
ko, subalit pumayag ito kinalaunan nang maliwanagan sa aking paliwanag. Habang
nag-e-evaluate ay kinailangan pa niyang humingi ng tulong kina Ma'am Rowena.
Iyan kasi ang hirap nang aking Internship, kung sino-sino sa kanila ang
nag-utos sa akin kaya hindi malaman kung sino ang magbibigay ng grado pagdating
sa huli kaya minabuting si Ma'am Belen na lamang pagkat Assistant Judicial
Staff ito matapos ni Boss Tibayan.
11O-Y. Nang mabigyan ng grado, hindi na ko
nagpatumpik-tumpik pa sa pag-alis. Bago umuwi, tumungo muna ako ng Ever
Gotesco Mall para mananghalian. Pagkapananghalian, tumungo ako ng Expression
para magtingin-tingon. May nakita akong aklat na ibig bilhin pagkat
napaka-interesting ng nilalaman at marami pang matutuhan, kaso wala nang kwarta
kaya napagpasyahang saka na lamang. Pagkauwi't dahil nuknukan sa alinsangan ang
panahon, naisipan kong maligo para mapreskuhan. Kinagabihan, pagtitinda ang
inatupag ko. Nayamot ako sa aking kapatid na may kapansanan, paano't porket
humiga na si Mama ay ipinapasara na nito ang tindahan at nagwawala't sigaw
kapag hindi naibigay ang ibig niya.
11O-Z. Masyado pang maaga kaya hindi muna
ako nagsara't ipinagpatuloy ang pagtitinda, kaso sa tuwing hinahayaan ito'y
lalo pang nagwawala at baka kung ano pa ang magawa niya kaya ibif pa man ang
magtinda'y nagsara na ko. Marunong akong umunawa lalo na taong talipa ang
pag-iisip subalit may hangganan din iyon. Ganap nang sumapit ang Alas-dyis na
dapat sana'y makakamtan na ang kapayapaan subalit kabaligtaran pagkat naghahari
pa rin ang kaingayan dulot ng mga tambay. Dala na naiirita, tahasan ko silang
sinaway kaso tila mga teyngang kawali't hindi natitinag, hanggang sa may isang
lalaki ang nagsaway sa kanila't dahil kapwa naiingayan, lalo ako nagkaroon ng
lakas ng loob at nakisali sa pagsasaway. Nag-alisan naman ang mga ito subalit
maya't maya ang maririnig na ingay pagkat bumabalik sila, hinayaan na lamang at
nagtiyaga pagkat may burol pala. Naiinis lamang ako sa mga taong pumupunta sa
burol di upang makiramay sa mga namatayan kundi magsugal at mag-ingay, kapag
natatalo, iisiping dinudugas kaya may ganang makipag-away, hindi na nila inisip
ang mga nagluluksa't mga wala silang respeto! Kahit ugali ko ang mapagtanim ng
sama ng loob sa kapwa kapag hindi naibigay ang gusto na siyang hindi maganda,
hindi naman ako gaya nila na hindi marunong rumespeto sa mga bagay-bagay sa
mundo.