Miyerkules, Enero 31, 2018

61. January 2018 Journal (Day 1827-1857)

January 01, 2018
Monday

(New Year's Day)
Year VI-001

11G-B. Mga malalakas at makukulay na paputok sa kalawakan na ang makikita at maririnig dahil sa mga Fireworks Display na kaliwa't kanan, hudyat na pumasok na ang Bagong Taon. Bukod pa roon ay kanya-kanya na rin sa pag-iingay ang mga kapit-bahay sa amin. Mga kalderong pinagkakalampag, mga torotot na sabay-sabay na hinihipan at ang ilan, pinapaandar pa ng pagkalakas-lakas ang motor na tila ba'y nag-aangas, may ilan din ang nagpapaputok kaya magulantang nang husto habang nanunuod. Habang kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon ay naghagis naman ng barya at Candy ang ilang kapit-bahay at dinumog ng mga bata na akala'y hindi dumadampi sa palad. Ang ilan namang mga kabataang, katatarantado pagkat gaya nung nakaraang pagsalubong ay pinagkakamlapag ang bawat gate ng bahay at sumisigaw pa na parang nakadroga. Magulo man ang pagsalubong sa Bagong Taon, masaya naman pagkat walang napahamak ni isa sa amin.

11G-C. Nang matapos ang putukan, saka lamang kami kumain ng handa sa Media Noche. Dahil magtutulugan na, kahit marami ang aming handa ay hindi ko dinamihan. Maya-maya pa'y natulog na ang bawat isa sa amin. Hindi naman makatulog pagkat kaliwa't kanan pa rin ang tugtugan. Dakong Alas-dos nang tuluyan akong makatulog at Alas-siete naman ng umaga nagising. Mga handa nitong nagdaang Media Noche ang naging agahan ko at dahil isang beses lamang ito sa isang taon, nagpakabusog na't mistulan nang nagdadalang tao dahil sa kaumbukan ng Tiyan. May lakad ako ngayong Bagong Taon na dapat sana ay kahapon kaya kaagad nang naghanda-handa. Kung kailan paalis na ko ang pagpasok naman ng pari sa bahay kasama ang mga Sakristan at ilang deboto upang basbasan ang aming bahay.

11G-D. Nawa'y sunod-sunod na biyaya ang makamtan namin ngayong 2018 at umalis kung anumang masamang ispiritong umaali-aligid sa bahay. Nang mabasbasan ni Father ang buong bahay, nagpahagis ng barya si Mama at pinag-agawan naman ng mga bata. Maya-maya pa't nang umalis sina Father, saka lamang nakaalis. Sa bahay ng kaibigang si Nikki naisipang magtungo. Gawa na nagugutom sa kabila na abot-abot ang kinain, tumungo muna sa Starmall at doon na nananghalian. Bandang Ala-una nang makatungtong sa kanilang bahay at saktong nadatnang umaawit ang nanay ni Nikki. Natuwa ako pagkat naroroon siya at kwentuhang walang katapusan muli kami. Magulantang ang dibdib sa kanyang ikinuwento pagkat tahasan daw hinagisan ng paputok ang kanilang nanay nung pagsalubong sa Bagong Taon.

11G-E. Iyon pala, matagal na nilang kaaway ang kapit-bahay na naghagis ng paputok at mapalad namang hindi nadisgrasya ang nanay nito. Bilang kaibigan, nayamot ako't Diyos na ang bahala sa kanila, nawa'y tigilan na nila ang pang-aagrabyado, hindi lang sa pamilya ni Nikki kundi sa iba pa nilang kapit-bahay. Marami silang handa kumpara sa amin subalit sa hiya, ni hindi magawang kainin ang mga nakahaing handa kahit inaalok na. Ilang sandali pa nang dumating ang mga kaklase ng nanay nito, kaya ang buong balay nila, lalo pang nagkabuhay at lumigaya. Nanatili ako sa kanila hanggang sa maghingalo ang liwanag at gawa na baka abutin ng dis-oras ng gabi sa pag-uwi, Alas-sais nang magpaalam ako sa kanila. Inabot na ko ng Alas-otso nang makarating sa bahay at hindi magandang balita ang bumungad pagkat muling inatake ng nerbyos si Mama at hindi raw makatulog.

11G-F. Sinabi ng ate na may engkanto raw na gumagalaw kay Mama na nakatira sa puno ng Mangga dahil sa napanghinaan ito ng loob nang siya ay ipatawas kay Ate Melon. Ikinasindak ko ang inilahad ng ate't mabuti na lamang kami, hindi nangyari ang sinasapit ni Mama subalit hindi ako natutuwa, bagkus ay nag-aalala pa nga. Sa tagal kong mabuhay, ngayon lamang nakarinig ng ganung pangyayari kaya hirap paniwalaan. Kaagad akong nagdasal at nananalig na makakawala si Mama sa sakit na nagpapahirap sa kanya. Nawa'y makatulog na si Mama pagkat nahihirapan na ito. Wala nang ibang makakapitan kundi ang panginoon kaya inigtingin ang pagdadasal. Ngayong nahaharap sa pagsubok, dalanging kayanin ng loob lalo na si Mama at bigyan nawa ng tibay ng loob upang labanan kung anuman ang gumugulo sa kanya. Dahil sa nangyayari kay Mama na hirap ipaliwanag, hindi na ko makatulog.      


January 02, 2018
Tuesday
Year VI-002

11G-G. Hindi man naging maganda ang pasok ng taon dahil sa nangyayari kay Mama na hirap maunawaan, umaasang malalampasan ito't tiwalang hindi pababayaan ng Diyos pagkat maawain ito. Dahil hindi makatulog kagabi dulot ng pag-aalala, tinanghali na sa paggising. Walang pagbabago't hindi pa rin daw makatulog si Mama. Ang Ate naman, magdamag na binantayan si Mama pagkat maya't maya itong dumadaing. Dahil ilang araw nang hindi nakukuha ang pagtulog, kita na sa mukha ni Mama na namumugto na tila may karamdaman. Bukod sa hindi makatulog, wala na rin itong ganang kumain kaya sumipa pa lalo ang pagkahabag. Kung totoo man na may engkanto, bakit si Mama pa ang naisipang paglaruan at nawa'y lubayan na siya nang sa ganon ay bumalik na nga ito sa dati. Wala akong ginawa kundi pahupain ang nararanasang kaba ni Mama at sinubukan lahat ng naisip na paraan, nagbabaka sakaling guminhawa kahit papaano ang kanyang pakiramdam.

11G-H. Bakit ganon, ginawa na namin kung ano ang nararapat gawin at makakabuti sa kanya, nagdasal pa nga subalit sa halip na umigi'y lalo pang lumulubha kaya napagpasyahan nang dalhin siya sa ospital pagkat iba na ang nangyayari na hirap ipaliwanag at nauubusan na ng paraan. Sa Saint Lukes Hospital kami nagtungo. Habang hinihintay na matawag si Mama at gawa na nagugutom, kumain muna ako. Ilang sandali pa, nagtungo na kami sa espesyalistang inirekomenda kay Mama. Dahil wala naman nakitang kakaiba at normal lahat ng Vital Sign ni Mama, hindi na ito ini-admit pa subalit sinabihang kailangan nang magtungo sa Neurologist o Psychiatrist kapag nagtuloy-tuloy pa ang kanyang nararanasan. Ayaw ko man mag-isip subalit marahil ay may gumagalaw kay Mama o kumukulam at kung ganon man, Diyos na ang bahala't wala silang panama sa Diyos na makapangyarihan, tutulungan niya kami. Matapos magpa-check up, kumain pa kami sa Max Restaurant. Kahit masasarap at susyalin ang mga putahe ay kawalang ganang kumain, gawa na may dinaramdam si Mama. Sinusubukan ko na huwag mag-alala para hindi pa lalo panghinaan ng loob si Mama, kaso ay hindi maiwasan.

11G-I. Bago umuwi ay dumaan pa kami sa Saint Peter Church para ipagdasal si Mama. Saktong may isinasagawang misa pagkatungo namin doon kaya nakiisa na. Matapos ang misa, nagtirik kami ng kandila at nagdasal. Sana gumaling na nga si Mama at lubayan na ng mga engkantanto kung totoo man sila ang dahilan. Napaiyak na ko habang nagdadasal at inigtingan ang pananalig. Sa kabila nang kinakaharap na pagsubok, kailangan namin magpakatatag alang-alang kay Mama. Pagkauwi't sa pagod ay kaagad akong nagpahinga. Habang nagpapahinga at maya-maya, inatake muli nang pagka-hysterical si Mama't panay lapit sa amin na para bang may mang-aano sa kanya.

11G-J. Bukod pa roon ay hindi pa rin siya makatulog sa kabila na pinagpapahinga na't tahimik na ang kapaligiran. Abot-langit na ang aming pagkabahala kaya hindi na nangimi pang tawagin si Ate Melon. Hinilot-hilot lamang nito si Mama at pinayuhan kami. Awang-awa talaga kay Mama pagkat kailangan nito nang makakasama, maging kay Ate na magdamag nang gising upang bantayan si Mama. Kinagabihan nang pausukan nina Ate Melon ang puno ng Mangga ng insensyo at kung sila man ang gumagambala kay Mama, nawa'y tantanan na nila. Balot pa rin sa pag-aalala ang dibdib pagkat nang gabing iyon ay hindi pa rin makatulog si Mama at natatakot. Sa pag-aalala, maya't maya nang nagdadasal. May awa ang Diyos at tiwalang malalampasan namin ang ganitong pagsubok.     


January 03, 2018
Wednesday

Year VI-003

11G-K. Patuloy na nangingibabaw ang pag-aalala kaya halos hindi na makatulog. Nawala na ang antok sa mga mata at tuluyan nang nasira ang tulog kaya kahit madaling araw pa lamang, bumangon na ko. Gaya ng mga nakalipas na gabi, magdamag pa ring hindi makatulog si Mama. Muli itong dumadaing ng kaba kaya bukod kay Ate ay dinamayan ko na ito. Walang ginawa kundi palakasin ang loob niya at hinaplos-haplos. Sinusubukan ko ipinatag ang kalooban subalit hindi maiwasan ang mangamba, lalo na't nakikitang nahihirapan na si Mama't nangangayayat na dala na ilang gabi nang inaatake ng Insomnia. Sa nangyayari kay Mama, nagdadalawang isip kung papasok ba ngayon sa OJT. Pagpatak ng Alas-kwatro at nang makitang humuhupa na ang kaba ni Mama, naghanda-handa na. Dalanging hindi na lumala pa ang nararanasan ni Mama at gumaling na ito. Tinatamad man ang pumasok at gustong alagaan muna si Mama subalit kailangan nang matapos na.

11G-L. Dakong Alas-sais nang makarating ako sa OLFU-Regalado. Sa sobrang aga ng aking pagdating, saktong wala pa si Ma'am Paula. Malapit nang sumapit ang Alas-siete nang dumating ito't napalitan ng tuwa ang kaninang dibdib na nababalutan ng pagkabahala nang bigyan nito ng pasalubong. Gawa na hindi nakatulog kagabi at umiiral na ang antok, umidlip muna ako. Tinatamad talaga ako't lalo pang tinamad nang sabihin ni Ma'am Paula na tinatamad din siya. Tinatamad man at inaantok pa sa kabila na nakaidlip na, ginampanan ko pa rin kung ano ang nakaatang. Nahihirapan lamang na makapag-concentrate sa ginagawa, gawa na nag-aalala, lalo na't hindi ko alam kung ano na ang nangyayari kay ina sa mga oras na iyon.

11G-M. Nang matapos sa gawain, balak sanang kausapin si Ma'am Paula, para humingi ng tulong hinggil sa dinadanas ng aming ilaw ng tahanan, kaso natutulog ito't nakakahiya naman kung gagambalain siya. Tumungo ako kay Sir Jansen. Saktong naroroon siya at lakas loob nang naglahad. Nakakainis lamang pagkat naantala ang pagkukwento ko kay Sir Jansen nang may tawagin itong estudyante. Nagawa kong hintaying matapos ang kanilang pag-uusap. Nang mapansing tumatagal at napapasarap na, marami pang dapat ikwento kay Sir at di pa nakakakuha ng advice sa mula subalit kailangan nang umalis. Nadidismaya tuloy ako't masyado kasing mabait at friendly si Sir Jansen, kaya parang hindi na siya nirerespeto.

11G-N. Pagkabalik, saktong natutulog pa rin si Ma'am Paula. Hindi pa rin mawala-wala ang aking pag-aalala't habang lumilipas ang sandali'y pabilis na pabilis ang kabog ng dibdib kaya napagpasyahang mag-half day na lamang para makauwi na't malaman kung ano na ang kalagayan ni Mama. Pumayag naman si Ma'am sa aking naiisin at bago umuwi, tumungo muna ako sa Saint Peter Church at ipinagdasal si Mama. Sa kabila na labis ang pag-aalala at pagkabahala sa maaring kasapitan ni Mama, nakamtan ang kaginhawaan ng dibdib matapos magdasal pagkat tiwalang didinggin ang aking panalangin at hindi siya pababayaan ng Diyos. Kahit paano'y napanatag na ang aking kalooban at sa gitna ng pagsubok, kailangang maging positibo. Wala pang balak ang isipan na umuwi kaya nagkumpyuter muna ako.

11G-O. Bandang Alas-dos nang mapagpasyahang umuwi at habang papauwi'y muling yumanig ang kaba, kinakabahan sa malalaman kung ano na ba ang kalagayan ni Mama. Pagkarating, saktong wala sina Mama. Sinabi ni Papa na nasa hotel daw sila pagkat hindi pa rin makatulog si Mama. Ikinahina ko ang aking nalaman at hanggang kailan ito matatapos. Namayani naman ang tuwa nang tumawag si Mama at sinabing nakakatulog na ito kahit papaano't natanggal na rin ang kaba. Mukhang dinidinig na ng maykapal ang aking dalangin at nawa'y magtuloy-tuloy na ito nang sa ganon ay makabawi na ng lakas si Mama. Kinagabihan, tamang pakikinig at liwaliw lamang ako sa musika. Maaga pa magigising bukas kaya pagsapit pa lamang ng Alas-nuebe, napagpasyahan nang mahiga. May pagsubok man na kinakaharap, nawa'y kayanin pa maging mga darating pang pagsubok.


January 04, 2018
Thursday

Year VI-004

11G-P. Hindi gaya ng mga nakalipas na gabi'y nakakatulog na ko ng mahimbing. Alas-kwatro pa lamang ng madaling araw, nagising na ko't bumangon. Sa takot na mahuli, binilisan ko sa pagkilos. Eksakto Alas-sais nang makarating ako ng School. Masyado pang maaga kaya naupo muna ako. Habang nakaupo ay naisipan kong kumpyutin ang Time Card para malamam kung nakakailang oras. Matapos magkompyut, halos lumundag na sa galak pagkat hanggang sa Sabado na lamang pala ang aking OJT. Pagpatak ng Alas-sais y medya, saka lang tumungo ng Guidance Office. Pagkapasok ay saktong naroroon na si Ma'am Paula. Walang ibang pinagkaabalahan kundi mag-check ng mga test paper. Habang abala sa ginagawa, may biglang dumating na dalawang estudyante para magpasa ng Excuse Letter. Saktong may pinuntahan si Ma'am kaya litong-lito sa gagawin. Dahil halos magpanik na pagkat hindi alam ang gagawin, pumunta ako kung saan naroroon si Ma'am Paula.

11G-Q. Pahiya talaga ako pagkat itinuro na kung ano ang gagawin, nakalimutan ko pa kaya panay ang paghingi ng pasensiya sa kanya. Sa bait ni Ma'am, sa halip na pagalitan ay binigyan niya ko ng pagkakataon para asikasuhin ang estudyante. Sa una ay natatanga talaga ako't natataranta subalit naasikaso ko naman sila ng maayos at tama. Natutuwa ako pagkat kahit paano'y nakabawi-bawi. Maya-maya pa, inutusan ako ni Ma'am Paula na magtungo sa Main Guidance Office upang dalhin ang mga ipinapadala niya. Habang nasa Guidance Office ay hindi na ko nag-atubili pang lapitan si Ma'am Anna Marie upang ipa-compute sa kanya ang time card subalit si Ma'am Lovely ang nag-compute. Nanlumo ako pagkat dahil sa mga late ko, may dagdag pang dalawang araw. Tanggap ko naman kung ano ang penalty subalit nang hindi bilangin ang mga araw na pumasok ng Alas-sais, lakas loob ng nagreklamo at nakiusap.

11G-R. Kahit anong pakiusap ko nang sa ganon ay bilangin nila pagkat sayang naman, kaso hindi nila ako pinagbigyan. Umalis akong hindi maipinta ang pagmumukha dulot ng pagkadismaya. Kung alam ko lamang na ganito ang mangyayari, dili sana ay hindi na lamang ako nag-intern sa sariling School pagkat napakahigpit ng kanilang Policy at hindi makatarungan! Nayayamot ako na nadidismaya pagkat ang hirap nilang pakiusapan at mga walang konsiderasyon! Nadidismaya man, kailangan nang tanggapin na hanggang sa susunod na linggo pa sa halip na sa Sabado na dahil sa letseng Policy nila na sobra-sobra ang penalty at wala nang magagawa! Depende talaga sa Site na papasukan kung magtatagal ka o hindi't mapalad ka na bukod sa walang penalty kahit late, may bawas-oras pa't reward.

11G-S. Sa school namin, wala na ngang reward, mabigat pa ang makukuhang penalty kaya napakamalas ko't nagsisisi sa napiling site! Pagkabalik sa Regalado, saktong natutulog na si Ma'am Paula. Dulot ng pagkadismaya, nawawalan na ko ng ganang mag-check. Balak sanang umidlip kaso hindi makaidlip dulot ng mga maiingay na estudyante sa labas. Makalipas ang dalawang oras na paghihintay, sa wakas ay Lunch Break na. Pagkabalik, ipinagpatuloy ko ang pagwawasto. Namamayani talaga ang antok, dahilan kung bakit tinatamad kaya itinigil muna ang pagti-check at umidlip. Maya-maya, inutusan muli ako ni Ma'am Paula at iyon ay tawagin ang natitirang estudyante na hindi pa nakakakuha ng Psychological Exam. Tumindig ang kaba ko pagkat pagkatungo sa silid kung saan sila naroroon, saktong si Ma'am Bobiz ang professor. Sa una ay medyo natitigilan sa pagpasok pagkat baka tarayan nanaman subalit nilakasan ang loob. Naging maayos naman ang pakikitungo sa akin ni Ma'am, ang kaso wala doon ang pinapahanap.

11G-T. Bandang Alas-kwatro nang mapagpasyahan kong magpaalam kay Ma'am Paula. Pagkauwi, wala pa rin sina Mama at Ate. Sinabi ng Papa na nasa hospital na sila, namayani ang pag-aalala sa kalooban pagkat inakalang ayos na si Mama, hindi pa pala. Maya-maya pa, nang tumawag sina Ate. Nakapagpatingin na raw sila sa Psychiatrist at hindi makapaniwala sa nalaman pagkat na-diagnosed na may Adjustment Disorder si Mama. Kaya pala ganon na lamang katindi ang kanyang kaba, stress at hindi pa makatulog, dala na pala ng ganung uri ng sakit. Dahil may kaalaman hinggil sa ganyang sakit, nangamba ako pagkat baka maaring magpakatiwakal si Mama kapag lumala na huwag naman sanang maganap pagkat hindi namin kakayaning mawala ito. Sa panahon na kinakaharap namin ang ganito, nakatadhana na talagang kumuha ako ng Psychology at mabuti na lamang pagkat makakatulong din kahit papaano. Bandang gabi nang umuwi sina Mama galing ospital at hindi na siya gaya nitong mga nakalipas na araw pagkat masigla na't hindi na kakikitaan ng pagkabalisa. Natutuwa ako pagkat unti-unti nang gumagaling si Mama at nakakatulog na rin. Dahil diyan kaya may kapanatagan sa dibdib akong natulog. Tunay ngang hindi kami pinababayaan ng maykapal. 



January 05, 2018
Friday

Year VI-005

11G-U. Alas-kwatro na nagising at bumangon kahit mugtong-mugto pa ang mata sa antok. Pagkarating ng School Annex, saktong wala pa si Ma'am Paula, ilang minuto pa ang lumipas nang dumating ito. Sa buong umaga, walang ibang ginawa kundi ang mag-check ng test paper at magtawag ng mga estudyanteng isasailalim sa Psychological Examination. Kahit paano, nakakaya ko nang humarap sa iba't ibang kursong pinapasukan. Sa dami ng mga estudyanteng dapat tawagin, isa lang ang napapunta sa Guidance Office at pinag-exam. Tibay at lakas ng loob ang pinairal habang isinasailalim siya sa examination. Ilang sandali pa, sa wakas ay Lunch Break na't matapos kumain ay nanatili muna sa library at umidlip.

11G-V. Naging tulog na ang aking pag-idlip kaya hindi namamalayan ang pagsipa ng Ala-una. Dahil tapos na sa pagti-check, pagpa-file naman ng Test paper sa bawat envelope ng mga estudyante ang pinagkaabalahan. Magkandaloka't hilo ako sa pagpa-file at mukhang aabutin hanggang bukas sa dami. Maya-maya pa, nagpunta nanaman ako sa iba't ibang silid para magtawag ng mga estudyante. Nakakapagod pagkat kay iilap ng mga estudyanteng pinapunta sa akin ni Ma'am Paula subalit walang magagawa kundi magtiyaga. Karamihan sa kanila, bigo kong mapababa. Kaagad din naman natapos ang pagpapa-exam ko sa kanila't lumuwag ang paghinga pagkat nagawa ko.


11G-W. Balik ako sa pagpapa-file ng mga test paper matapos na magpa-test. Ang kaninang napakataimtim na Guidance Office, umingay dahil sa biruan namin ni Ma'am Paula at nakakatuwa dahil masaya itong kausap. Nawala na ang hiya ko kaya naging matanong at madaldal na sa kanya. Pagsapit ng Alas-kwatro, nagpaalam na ko kay Ma'am. Lalo pa kong natuwa pagdating ng bahay pagkat gumagaling na si Mama at nagagawa na nitong tumawa na dati ay wala sa mood at kakikitaang problemadong-problemado. Nagpapasalamat muli sa Diyos dahil hindi niya pinabayaan na lamunin ng sakit at mawala sa katinuan, kaya ngayon ay masigla na't parang bumabalik na sa dati. Pagsapit ng gabi at dahil walang magawa, naisipan kong makinig ng musika. Ang laki ng epekto kapag nakikinig ng mga awitin pagkat bukod sa nakaka-relate ay sumisigla pa't ginaganahan. Bandang Alas-nuebe nang mapagpasyahang mahiga. 



January 06, 2018

Saturday
Year VI-006

11G-X. Sa sarap at katakawan matulog, bandang Alas-singko na nagising. Sa takot na mahuli ng dating pagkat ayaw ko nang madagdagan pa, paspasan ako sa pagkilos. Saktong hindi matrapik sa lansangan at mabilis-bilis ang biyahe kaya kaagad din nakarating ng School Annex. Pagkatungtong, wala pa si Ma'am Paula at sarado ang Guidance office. Saka lamang nakapasok nang buksan ng Janitor. Ipinagpatuloy ko ang pagpa-file ng mga envelope. Maya-maya pa nang sa wakas ay natapos na rin ang mga ito. Dahil mag-isa lamang sa Guidance office at walang ginagawa, paggawa ng reviewer ang inatupag ko. Naantala lamang sa tuwing may dumarating na mga estudyante upang magpa-validate ng ID o may concern sa kanilang pag-aaral. Kahit medyo natataranta sa tuwing sila ay kausap, nagampanan pa rin ng maayos.

Maya-maya pa, nagpunta nanaman ako sa iba't ibang silid upang magpa-exam ng estudyante. Dahil may klase pa ang tatawagin ng ganitong oras, walang napababa ni isa. Malapit nang magtanghaling-tapat subalit hanggang sa mga oras na iyon, nanatiling wala si Ma'am Paula. Marahil ay hindi na ito darating pa. Pagsapit ng tanghali, nilisan ko muna ang Guidance Office para kumain. Bandang Ala-una na bumalik at ang inakalang hindi na darating si Ma'am, nagkakamali pagkat bigla itong dumating. Maya't maya ang pagtungo ko sa mga classroom upang magtawag ng mga estudyante. Anong hirap talaga pagkat karamihan sa pinapahanap, kay iilap. May napa-exam naman akong mga estudyante. Pagsapit ng Alas-tres, tutungo na dapat ako sa Hilltop, kaso nagkaroon ng problema nang mapansin ni Ma'am Paula na may mali sa pagta-tally ng data mula sa Student Chat Program, pinag-tally niya ko. Nakakatamad man pagkat marami-rami subalit naging masigasig pa rin. Pagsapit ng Alas-kwatro at kahit hindi pa natatapos sa pagta-tally, nagpaalam na ko kay Ma'am.

11G-Y. Tumungo pa ko sa OLFU-Lagro upang ibigay kay Ma'am Anna Marie ang ipinapabigay ni Ma'am Paula. Dahil nandoon na lang din ako, ipina-compute ko na kay Ma'am Lovely ang time card. Pagkakompyut, naghuhumiyaw sa ligaya ang dibdib nang sabihin ni Ma'am Lovely na hanggang Lunes na lamang ang itatagal ko sa OJT. Sa tuwa, parang ibig kong lumundag. Napatagal pa ko sa Guidance Office dahil nakakwentuhan pa sina Ma'am Anna Marie. Wala pang balak umuwi kaya pinuntahan ko pa si Nikki sa Admission Office. Masyado itong abala sa ginagawa, ayaw ko naman makaabala sa kanya kaya hindi na nagtagal pa roon. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi.

11G-Z. Habang tinutunghayan ang Telebisyon, dami kong halakhak sa kakabalik pa lamang na programang Pilipinas Got Talent at bawat kalahok, bukod sa ipinapakita ang kanya-kanyang talento, nakakapagbigay din ng aliw sa manunuod. Ang kaninang nag-uumapaw sa pagkaaliw ang dibdib, biglang nagbago nang matunghayan naman ang isang kwento sa Maala-ala mo kaya. Tungkol iyon sa isang babae na nagngangalang Gelai na bukod sa isa, tatlo ang nagpakananay sa kanya subalit kung sino pa yung tunay niyang ina, iyon pa ang hindi niya kinikilala bilang nanay at madalas ay ipinagtatabuyan pa, sadyang malayo ang loob nito sa ina.

11H-A. Sa kabila na may matayog na pader sa pagitan nilang mag-ina, gumawa pa rin ng paraan si Gigi, ang nanay ni Gelai upang magkaayos sila subalit sadyang matigas ang anak at nagagawa pang magrebelde kaya ang resulta, nasira ang relasyon nito, di lang isa kundi sa tatlong nanay. Sa huli, napagtanto ni Gelai na ang lahat ng kanilang ginagawa ay para sa kanya ikakabuti at pagmamahal kaya gumawa ng paraan para hindi sila mawala sa kanya. Minsan, akala mo ay impyerno na ang buhay dahil madalas na pinagbabawalan, pinapagalitan, iyon pala'y ang swerte mo pagkat mahal ka nila at gagawin ang paraan para hindi mapariwara o mapahamak gaya ng nangyari sa buhay ni Gelai. Matapos manuod at dala na inaantok na, kaagad nang natulog.        


January 07, 2018

Sunday

Year VI-007

11H-B. Ang bilis talaga ng panahon, hindi akalaing nakakaisang linggo magmula nang pumasok ang taong ito na parang kailan lamang ay Bagong Taon. Mga bandang umaga na ko nagising at bumangon. Pagkalantak ng agahan, sinimulan ko na ang pagsusulat ng Journal para sa OJT. Sa buong umaga ay iyon lamang ang napagkaabalahan at sa dami ng kailangang isulat pagkat natambakan na, magtatanghali na'y hindi pa natatapos. Nagkakaroon na ko ng brain drain at napapagod nang mag-isip ng sasabihin kaya itinigil muna. Sa gutom na kanina pa tinitikis ng Sikmura, nananghalian na ko. Nang makapagpananghalian ay naisipang maglaba. Bilang pampagana sa paglalaba, nagpatugtog ako, kaso nairita si Mama at nai-stress.

11H-C. Batid kong may Psychological Condition si Mama kaya labag man sa kalooban, pinatay na lamang at inunawa siya. Bakit ganon, sa lahat ng oras at pagkakataon, palaging ako ang umuunawa at mag-a-adjust. Naiintindihan ko naman si Mama, kaso hindi mapigilan ang loob na magtanim ng hinanakit. Marahil nga ay may kakaiba sa akin, matagal ko na itong nararanasan magmula Elementary pa lamang. Bukod sa madaling mag-init ang dugo kahit mababaw lamang, kapag may kausap ako'y pakiwaring hindi sila nakikinig sa sinasabi ko. Madalas at kapag sinasaway o pinagsasabihan, laging sumasagi sa isipan na ipinapamukhang wala akong karapatan kaya nagagalit, pakiramdam ko'y madalas binabalewala at nasasaktan kapag ginagawa iyon. Isa pa'y nahihirapan akong gawin kung ang mga adhikain at naisin sa buhay pagkat mahiyain ako, hirap din makihalubilo kung kani-kanino't madalas makaranas nang uneasiness sa kapwa, kaya madalas ay ninanais na mapag-isa na lamang. Hindi maunawaan sa sarili kung bakit ganito ang nararanasan ko, kakaiba at hirap ipaliwanag.

11H-D. Kaya nga ako kumuha ng kursong Psychology para malaman kung anong mayroon sa akin, kaso ngayon na patapos na'y hindi pa rin matukoy. Malakas ang kutob ko na may abnormalities sa akin at ngayon na nahihirapang malaman, napapaisip na kung kailangan na bang magpakonsulta sa Psychiatrist. Marahil ay panahon na upang magpatingin ako nang sa ganon ay malaman kung normal lang ba din ang nararanasan ko o baka kung may ano na. Sa kabila na tingin ko ay may kakaiba sa sarili, sinusubukan ko naman hindi magpaapekto at namumuhay pa rin ng normal na gaya ng nakikita ko sa mga nakapaligid sa akin, kaya heto at hindi ako tuluyang nabuwan na siyang ipinagpapasalamat sa maykapal, binigyan niya ko nang lakas ng loob na kaharapin ang ganito.

11H-E. Matapos maglaba at sa pagod, natulog muna ako. Nuknukan sa ingay ang kapaligiran kaya hindi makatulog. Pagkagising, ipinagpatuloy ko ang paggawa ng Journal. Medyo tinatamad na pagkat nauubusan na ng sasabihin kaya bigo muling matapos. Kinagabihan, at habang kasarapan ng panonood ng telebisyon, biglang nagkaroon ng brown-out kaya ang loob, hindi mapigilang mairita. Kasagsagan ng brown-out ng dumating sina Mama galing sa pamamasyal. Hindi naman nagtagal ang nararanasang brown-out at kaagad din naibalik. Ang mga dala nilang pasalubong ang naging hapunan at sa dami ng nilantakan, mukhang hindi nakakain ng isang buwan. Gawa na hindi pa dinadapuan ng antok, nilibang muna ang sarili sa pakikinig ng musika para antukin. Ilang sandali, napagpasyahan ko nang matulog.  


January 08, 2018

Monday

Year VI-008

11H-F. Pagkagising ay sumambulat kaagad ang galak sa kalooban pagkat ito na ang huling araw ng aking OJT. Masaya man pagkat matatapos na, malungkot naman dahil mami-miss ko si Ma'am Paula at kahit paano'y napalapit na siya sa akin dahil sa kabaitang ipinapakita nito't nakakatuwa pang kasama kahit madalas ay hindi kami nag-iimikan. Sa takot na mapurnada ang last day ng Internship ko kapag nadagdagan muli ng isang araw dahil nahuli, maaga akong nagising. Bandang Alas-sais nang makatungtong ako sa School annex. Masyado pang maaga kaya hindi muna pumasok sa Guidance Office at nagpahangin sa labas. Ilang sandali pa nang maisipang pumasok. Wala pa si Ma'am Paula subalit ilang minuto rin ang nagdaan nang dumating ito. Sasabihin ko na dapat sa kanya na ito na ang huling araw sa OJT, kaso pumipigil ang hiya. Saka ko lamang sa kanya nasabi nang magtanong ito. Parang nalukot sa lungkot ang mukha ni Ma'am nang malamang ito na ang huling araw ko sa kanya. Ang bilis talaga ng panahon at hindi akalaing matatapos na. Hindi pa ko tapos sa pagpa-file ng mga test paper at iyon ang aking napagkaabalahan.

11H-G. Maya-maya pa, nagpunta na sa iba't ibang silid upang tawagin ang mga estudyante na sasailalim sa examination. Gaya ng mga nakalipas na araw, karamihan sa kanila ay hindi ko nakadaupang palad pagkat kung hindi absent, hindi nakapag-enroll o maling silid ang naibigay. Hinusayan ko na sa pagtatawag pagkat huling araw na, huling pagkakataon na rin. Pagpatak ng Alas-onse at dahil magpapakain ako kina Ma'am Paula, bilang pasasalamat at pamamaalam, tumungo ako sa SM Fairview. Bago bumili ng ipapakain sa kanila, naisipan ko munang bilhan ng regalo si Ma'am Paula. Mga madalas niyang ginagamit sa office ang naisipang ipangregalo at dahil makabutas bulsa ang halaga, hindi lahat ng naising iregalo ay nabili. Nang makabili, tumungo na ko sa restaurant upang bumili ng pagkain. Hindi ko batid ang tipo ng kanilang panlasa kaya naging masinop sa pagpili ng pagkain hanggang sa maisipang Pizza na lang with coke.

11H-H. Pagkabalik, bukod kay Ma'am Paula ay inaya ko rin si Ma'am Ailene at Sir Jansen upang kumain. Sa kanilang dalawa na inaya ko ay si Ma'am Ailene lamang ang nagpunta at nagsalo-salo kami. Habang nagsasalo, walang ginawa kundi magpakwela si Ma'am Paula kaya daming halakhak, lalo pa tuloy siya nami-miss. Matatapos na ang aming salo-salo, hindi pa dumarating si Sir Jansen hanggang sa dalhan na lamang siya ng pagkain, nadismaya tuloy ako pagkat hindi nangyari ang naisin na magkakasama kaming apat sa aking padespidida. Matapos ang aming kasiyahan sa pagsasalo, balik sa dating gawain at iyon ay mag-file ng mga test paper at magtawag ng estudyante. Dahil huling sandali nang makakasama si Ma'am, sinulit na ang pagkakataong makakwentuhan ito at masabi kung ano ang ibig.

11H-I. Kasarapan ng aming pag-uusap nang may tumawag sa kanya. Pagkatapos, bigla na lamang inutusan ni Ma'am upang ipatawag ang estudyanteng inirereklamo. Nilakihan ko ang teynga habang isinasailalim ni Ma'am Paula ang estudyante sa counselling. Napakaseryoso ng kinakaharap nitong sitwasyon pagkat nadamay pa ang paaralan sa isyu nila't sa aking pakiwari'y mabigat na kaparusahan ang naghihintay. Pagpatak ng Alas-kwatro, sinamahan ko ang estudyante na magpunta sa Main Guidance Office. Alas-kwatro y medya nang makatungtong kami sa OLFU-Lagro. Yaman at nandoon na rin, sinamantala ko na ang pagkakataong makapagpaalam kina Ma'am Anna Marie, Ma'am Lovely at sa iba pang counsellor maging kay Sir Laus.

11H-J. Natutuwa man pagkat tapos na sa duty, hindi pa lubos na makapagsaya dahil may mga requirements pa na kailangang ipasa at ang dami. Kahit ngayon pa lang ay nai-stress na, nagpakapositibo ako't tinatagan ang loob. Bago umuwi, nagtungo muna ako sa Ever Gotesco Mall upang magtingin-tingin ng mga damit. Kainis at walang makitang ibig bilhin, lumabas akong walang bitbit. Bilang pasasalamat sa maykapal sa lahat ng biyayang nakakamtam nitong mga nakalipas na araw, naisipan munang magdasal sa Saint Peter Church. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi nang may saya pagkat bukod sa natapos na, gumagaling na rin si Mama ngunit at habang nagkukwento siya, doon napagtanto na sa kabila na tingin ko sa sarili na may kakaiba, hindi nagpaapekto at nagawang magpakatatag. Naisip ko na mas matatag pa pala ako kay Mama kahit minsan ay napanghihinaan ng loob. Nakakatuwa lamang dahil lahat ng iyon, nakayang lampasan.


January 09, 2018

Tuesday
Year VI-009

11H-K. Dahil ngayon ang araw ng pamamahinga at pista pa ng poong Nazareno, inabot na ng pagsikat ng araw sa paggising. Walang gagawin ngayong araw pagkat tapos na sa OJT, naisipan kong magtinda. Habang nagtitinda ay sinamantala ko ang oras sa paggawa ng Journal. Sa dami ng kailangang isulat, mukhang hindi pa matatapos ngayon. Nakakatamad pa pagkat may kaalinsanganan ang panahon at gawa na nagugutom na rin, itinigil muna ang pagsusulat. Dahil may pinuntahan sina Mama upang mamasyal, maghapon akong nagbantay sa tindahan. Pagsapit ng Alas-tres, naisipan kong tumawag para mag-inquire sa panibagong OJT. Ilang tindahan na ang napuntahan ko para makigamit ng telepono subalit bigong makatawag pagkat kung wala man, ang ilan ay hindi pinagagamit at nakakainis, telepono na nga lang, pinagkakait pa, akala'y hindi babayaran.

11H-L. Hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkayamot at nagwawala ang mga ugat dahil pakiramdam ko, palagi na lamang tinatanggihan. Kahit na ilang beses tanggihan, hindi naman nawalan ng pag-asa hanggang sa makarating na ng Sandigan Batoda Terminal. Nabuhayan ako ng loob pagkat sa wakas, nakahanap din ng matatawagan. Una akong tumawag sa DOST-PAGASA subalit out of service kaya sa CHED na lamang at sinabing kailangan ko pang magtungo roon for inquiry. Umuwi akong katamtaman lamang ang kalooban at umaasang hindi magtatagal ay magkakaroon muli ng mapagdadausan ng practicum. Pagkauwi't dala ng maghapong pagtitinda, pansamantala akong nagpahinga.

11H-M. Kinagabihan at dahil pista ng Poong Nazareno, gaya ng mga nakalipas na taon ay mistulang dagat ang dami ng tao. Nagtutulakan, balyahan, gitgitan at siksikan, iyon ang susuongin bago makasampa sa andas ng Nazareno, kung iisipin ay lubhang mapanganib at tibay ng katawan ang kailangan kung makikipagsapalaran. Kung ako sa kalagayan ng mga deboto, mukhang hindi kakayanin at lupaypay na, lalo na't isa pa namang hikaing nilalang kaya hindi man namamanata taon-taon, naniniwala ako na basta panatilihin lamang ang pananalig sa Diyos at tiwala sa kanya, papalarin at pagpapalain ka pa rin. Hindi na mahalaga kung makahalik makahipo sa katawan ng Nazareno na paniniwala ng karamihang papalarin dahil may awa ang Diyos at bukas ang teynga upang pakinggan ang mga dalangin mo, siya ang tunay na naghihimala. Bago matulog, ipinagpatuloy ko ang pagsusulat ng Journal. Ilang sandali nang sa wakas ay natapos ko rin. May kalaliman na ang gabi nang mapagpasyahang matulog.     


January 10, 2018

Wednesday
Year VI-010

11H-N. Saktong pumutok na ang liwanag nang ako'y magising at dagliang bumangon. Pagkaalmusal, kaagad nang tumungo sa School pagkat may kliyente pang isasailalim sa Psychological Examination. Bandang Alas-dyis na ng umaga nakarating at tumungo sa Guidance Office upang manghiram ng Testing Materials. Papahiramin sana ako ni Ma'am Anna Marie, kaso hindi pinayagan hangga't hindi nakakapagpasa ng Endorsement Letter, kailangan pa tuloy hagilapin si Sir Ronan. Pagkatungtong sa may Faculty, sumipa ang yamot sa dibdib nang mabatid na wala ito. Ano bang klaseng professor siya at palagi na lamang wala! Mukhang mauudlot ang pagpapa-exam ko sa Client ngayong araw dahil walang Testing materials. Kahit hindi ako makakakuha ng Testing materials sa Guidance Office, gumawa ako ng paraan at naghagilap ng mga estudyanteng may subject na Psychological Testing.

11H-O. Saktong nakadaupang palad ko si Manalili at kaagad na nakiusap. Laking tuwa ko nang sabihing mapapahiram niya ko, kaso sa ibang araw pa makukuha. May iba pa kong kinausap bukod sa kanya, ang kaso'y hindi makakahiram ngayong aras pagkat hindi dala. Pagkatapos ay nanatili muna ako sa Guidance Office at inisip na isailalim muna siya sa Interview pagkat walang mga testing materials. Habang nasa Guidance office, sinimulan ko ang paggawa ng Reaction Paper. Sa dami ng kailangang isulat pagkat dalawang pahina, naubusan na ng bala, kaya ang resulta'y tameme't nakatingin sa kawalan. Dala na namamayani ang antok sa mga mata, umidlip muna ako. Maya-maya at dahil malapit nang sumapit ang Ala-una, oras kung kailan ko isasagawa ang Examination at Interview sa kanya, naghanda-handa na ko. Habang aligaga sa paghahanda'y bigla itong nag-text sa akin at sinabing hindi ito pwede ngayon. Magkahalong inis at pagkadismaya ang naramdaman ko pagkat nasayang lamang ang pagpunta ko.

11H-P. Bakit ganon, may mga taong pinapaasa ka't hindi man lamang nagpapasabi habang maaga pa, kaya ang resulta'y nagmumukhang tanga sa kakahintay. Kung alam ko lamang na ganito, hindi na lang sana nagpunta't ginugol ang oras sa pagpapahinga. Inalam ko kung pwede ba siya ng ibang araw at nang mabatid na hindi na talaga ito pwede, nagdesisyon na kong maghanap ng ibang kliyente. Mga Peer Counsellor ng Guidance Office sana ako kukuha bilang kliyente, kaso hindi nanaman pumayag si Ma'am Anna Marie at grabe siya, masyado niya kong pinahihirapan, bukod sa testing materials, pati pa naman sila'y ipagkakait sa akin. Umalis akong nag-uumusok ang ilong sa hinanakit at hindi maipinta ang mukha dulot ng pagkadismaya, inaalala kung saan makakahanap ng panibagong Client. Masyado pang maaga kaya sinamantala na ang oras upang maghanap ng kumpanyang pagdarausan ng Internship para sa Industrial Setting.

11H-Q. Una akong nagtungo sa Bureau of Internal Revenue. Habang naroroon ang yapak ay walang ibang maramdaman kundi hiya pagkat kay didisente ng kasuotan ng bawat nakakasalubong subalit nagawang labanan at lakas-loob na pumasok sa HR Department. Sinabi nilang sa susunod na buwan pa ko maaring magsimula dahil patatapusin muna ang mga naunang intern student sa akin, nag-aalangan na tuloy kung doon ba mag-i-intern. Sumunod ay sa PAGASA ako nagtungo. Hindi gaanong matao kaya hindi man lamang sumisipa ang hiya sa dibdib habang naglalakad. Kung ikukumpara sa BIR, mas maraming ipinapapasang requirements bago ka matanggap subalit ang maganda'y pwede ka ilagay kahit saan, in case na wala nang slot. Sumunod ay sa National Telecommuting Corporation ako nagtungo.

11H-R. Sinabi ng HR Manager na hindi na nila ako matatanggap pa pagkat wala nang slot, wala akong magagawa kundi tanggapin ang desisyon nila. Sa huli, napag-isip-isip ko na sa PAGASA na isagawa ang Internship subalit hindi pa sigurado kung matatanggap ba dun, lalo na't bigating kumpanya iyon. Sana man lamang ay matanggap ako dun pagkat gusto ko talaga doon magtrabaho balang araw at maging isang Meteorologist na matagal nang pinapangarap pagkat hilig ko talagang mag-monitor ng mga bagyo at weather condition. Bukod pa dun ay may kaalaman ako sa Geography. Pagkauwi, muling bumisita ang problema pagkat may nagyayari nanamang kakaiba kay Mama at pinagpapawisan ito dulot ng takot. Sinubukan kong pawalain ang kanyang takot at pagaanin ang loob, kaso wala talaga. Umaayos-ayos naman ang pakiramdam niya pagsapit ng gabi na siyang ipinagpapasalamat ko.    


January 11, 2018

Thursday
Year VI-011

11H-S. Mamaluktot halos ang buong katawan dulot ng malamig na panahon. Umaga na pala subalit ibig pang matulog at ibalot ang katawan sa kumot pagkat malamig. Pagkaalmusal at dahil wala sina Mama, ako muna ang nagbantay sa tindahan. Maya-maya pa'y nagtungo na ko ng School upang asikasuhin ang mga requirements para sa OJT. Pagkatungtong sa paaralan, kaagad na tumungo sa Registrar office upang kumuha ng Good Moral subalit sinabi ng Evaluator na sa Guidance Office iyon makukuha. Dahil nandoon na lamang din ako, inalam na kung ano pa ang mga kulang para deklaradong Graduating Student at namayani ang tuwa pagkat iisa na lamang pala ang kulang. Pagkarating ng Guidance Office, akala ko makukuha agad ang Good Moral subalit bukas pa raw pagkat gagawin pa. Matapos makausap ang Counselor patungkol sa Good Moral, pinuntahan ko naman si Sir Ronan upang humingi ng Endorsement Letter.

11H-T. Nang makaharap si Sir ay napanghinaang bigla ng loob pagkat kita sa mukha nito na tila wala sa mood at bakas ang pagod. Gayunpaman ay nilakasan ko ang loob na makiusap sa kanya, hindi naman nabigo't parang lilipad sa tuwa nang makakuha, hindi lamang isa kundi dalawang Endorsement Letter. Magpapasa sana ng Endorsement Letter subalit wala si Ma'am Anna Marie. Gawa na kanina pa balik-panaog, maasikaso lamang lahat ng requirements, nakaramdam na ng gutom. Medyo hapon na't gawa na inaantok, matapos kumain ay kaagad nang umuwi. Sa kaantukan, diretso hilata ako sa kama pagkatungtong ng nagkikinisang yapak sa tahanan. Saka lamang nagising nang dumating sina Mama na may dalang pasalubong. Naparami ang aking kain kayalabis na nabusog. Sa kabusugan, mukhang hindi na maghahapunan pa. Kinagabihan, panonood muli ng telebisyon ang siyang libangan at pampalipas oras. May kalaliman na rin anggabi nang mapagpasyahang matulog.


January 12, 2018

Friday
Year VI-012

11H-U. Ganap nang sumapit ang Alas-siete ng umaga ako nagising at bumangon. Ginampanan ko muna ang gawaing bahay at pagkatapos ay naghanda-handa na para sa pagtungo ng school. Bago ipihit ang nagkikinisang talampakan sa paaralan, nagpagupit muna ako para hitsurang makisig kahit malaking binabae. Habang nasa babershop ay nalibang ako sa barbero pagkat makwento ito't matanong, napakwento na rin ako kahit hindi siya kilala. Bukod sa nalilibang habang kausap ito'y may natutuhan din ako sa kanya. Sa sarap ng huntahan namin na animo'y malapit na ang loob sa isa't isa, mukhang hindi na aalis kahit tapos nang magupitan. Pagkatungtong ng School, kaagad kong pinuntahan si Ma'am Anna Marie sa Guidance Office. Laking tuwa ko pagkat pinayagan na niya kong manghiram ng mga Testing Materials, sa kadahilanang nakapagpasa ng Endorsement Letter. Dala na kanina pa nakakaranas ng gutom ay nananghalian muna ako.

11H-V. Pagkatapos at dahil mamayang Alas-dos pa makukuha ang Good Moral, nanatili muna sa Library at sinamantala na ang oras upang asikasuhin ang resume. Pagpatak ng Alas-dos nang bumalik sa Guidance Office at pagkakuha ng Good Moral, kaagad nang nagbihis para sa pictorial. Nang masigurong kumpleto na lahat ng requirements, wala nang ano-ano pang nagtungo sa PAGASA upang magpasa. Pagkatungo roon, minamalas lamang ng lagay pagkat hindi naabutan ang HRManager at kakauwi pa lamang nito. Gayunpaman ay sinabihan naman ako na iiwan sa kanyang table ang mga requirements. Ngayong abot-abot na ang aking pagkukumahog, dalanging matanggap na roon nang sa ganon ay makapagsimula na. Pagkabigay ay hindi na nagtagal pa.

11H-W. Naging pahirapan ang makahanap ng masasakyan pagkat karamihan ay punuan kaya napagpasyahang bagtasin na lamang ang kahabaan ng East Avenue. Pagkatungtong ng Elliptical Road, wala pa rin masakyan at ganito pala ang buhay kapag naabutan ng rush hour, walang ginawa kundi magtiyaga sa paghahanap at abang. May nasakyan naman ako kinalaunan. Bago umuwi, dumako muna ako sa Saint Peter Church at nagdasal. Diyos na ang bahala sa akin at nawa'y maging maganda ang kapalaran sa hinaharap. Kinagabihan, anong lamig ng panahon ang nararanasan at parang ibig mong ibalot ang katawan sa makapal na kumot. Bukod sa malamig ay naging napakahangin din kaya lalo pang guminaw ang pakiramdam. Maaga pa magigising kinabukasan kaya daglian nang natulog.


January 13, 2018

Saturday
Year VI-013

11H-X. Sumapit nanaman ang araw ng Sabado at sa kasarapan ng pagtulog, tinanghali na ng gising. Ngayong araw namin aasikasuhin ang Thesis kaya kaagad nang nag-almusal at naghanda-handa. Naudlot lamang ang aking paghahanda nang utusan ng Papa na tulungan si Mama sa pagbabanlaw ng mga damit. Naawa naman ako kay Mama pagkat lubhang madami ang kailangang banlawan kaya labag man sa kalooban ay tinulungan ko siya. Sa dami at dahil mukhang hinihintay na ng mga kagrupo, hindi na naiwasan pang magreklamo. Habang nagrereklamo at sa hindi inaasahan ay biglang nakarinig ng maanghang at nakakapasong salita mula kay Ate, makapagsalita siya'y akala wala akong naitutulong. Hindi ko matanggap ang mga sinasabi nito at dala na rin na napapagod nang umintindi pagkat sa lahat ng oras ay iyon ang aking ginagawa, hindi na napigilan pang pakawalan ang emosyon.

11H-Y. Sa galit, nagawa nang magdabog at sagut-sagutin ito ng pabalang maging si Papa na nakipagsabayan pa. Bakit kasi sa lahat ng oras at pagkakataon, palaging ako ang uunawa, mag-a-adjust at magpaparaya, nakakapagod na't sagad na sagad na ko nang panahong iyon! Habang nakikipagsagutan sa kanila, si Mama na sa halip na bungangaan ako't sermunan ng sangkatutak dahil sa aking ipinakita, sa hindi inaasahan ay magagawa pa nitong pahupain ang nasa dibdib ko. Hindi ko inasahan na si Mama na may pinagdaraanan, siya pa ang makakaunawa sa akin. Gumaan ang loob ko nang gawin iyon ni Mama at dahil nakokonsensiya, humingi ako ng paumanhin kay Mama na sa unang pagkakataon ko pa lamang iyon magagawa. Sa hinaba-haba ng panahon na nararanasan ko ang ganitong bagay na maski ako'y hirap ipaliwanag, ngayon lamang nagkaroon ng taong uunawa sa akin at si Mama iyon. Hindi ko sinasabing mabuting nagkaganyan si Mama subalit parang iyon pa pala ang naging tulay para maunawaan niya kung ano ang kondisyon matagal nang gumagapos sa buhay ko.

11H-Z. Doon ko napagtanto na hindi lahat ng bagay na pangit, pangit din ang kauuwian, gaya ng nangyari kay Mama na dahil sa naranasan nitong kakaiba na tanging Sikolohista o Psychiatrist lamang ang makakapagpaliwanag, naging tulay pa iyon upang unawain ako. Dahil nauunawaan na ko ni Mama, parang gusto ko nang ilahad sa kanya kung ano ang nararanasang matagal ko nang itinatago subalit baka magsisi lamang ako't marahil ay may tamang panahon para maging bukas ako sa kanya hinggil sa nararanasan ko. Humupa naman ang hinanakit na kanina'y aking taglay at saka lamang muli nakapaghanda. Dahil sa bahay nina Myrrh napagkasunduang gumawa ng Thesis, sa kanila ako tumungo.

11I-A. Pagkatungtong, saktong naroroon na si Kim at kanina pa sila nagsimula. Heto muli ang stress na aming kinakaharap dulot ng Thesis. Sakit man sa ulo pagkat dami pang kailangang baguhin, masaya naman pagkat nakakatuwa silang kakwentuhan. Sa katunayan ay sila ang nag-alis ng pagkaimbyerna ko dulot ng mga sinabi ng ate kanina't habang gumagawa'y maya't maya ang halakhakan. Sumapit na ang Alas-dos ng hapon, hindi pa rin natatapos ang pagre-revise ng thesis. Namamayani na ang antok sa mga mata subalit nilabanan ko para tuloy-tuloy ang paggawa.

11I-B. Bandang Alas-kwatro nang magpaalam na sa amin si Kim. Wala pang balak umuwi kaya nanatili muna ako kina Myrrh at nakipagkwentuhan. Mapalad ako dahil nakilala ko si Myrrh at kaibigan pa, bukod sa maunawain ay bukas ang teynga nito sa akin at bibihira lamang ang ganung tao sa pakiwari ko. May punto si Myrrh at hanapin ko lamang ang mga tao na bukod sa makakapagsaya sa akin ay magagawa pang tanggapin. Kahit mamuhay ako na halos gumapang na sa hirap, basta iparamdam lamang na hindi nag-iisa, may nakikinig, uunawa at buong pusong tanggap ay kuntento na ko. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi at dala ng gutom, daglian nang kumain.     


January 14, 2018

Sunday

Year VI-014

11I-C. Lumaganap na ang liwanang sa labas nang magmulat ang mga Mata. Pagkalantak ng agahan, kaagad nang inasikaso ang Thesis na isang taon at kalahati nang pinagkakaabalahan. Habang aligaga, halos lumuwa na ang mata't ganon pa rin, mahirap at nakaka-stress subalit kinakaya. Medyo sumasakit na ang bungo sa kakaisip ng isusulat kaya kahit hindi pa lubusang natatapos ay umayaw na ko. Pansamantala akong nagpahinga at maya-maya, inasikaso ang gawaing bahay. Pagpatak ng tanghali't gawa na nababagot, naisipang manuod ng dokumentaryo. Habang tinutunghayan ang tampok na dokumentaryo sa I Witness ay sumipa ang habag sa dibdib pagkat tungkol iyon sa mga bata na araw-araw ay isinasabak ng ama sa boksing, kumita lamang sila. Sa tana ng buhay ay ngayon lamang nakakita ng ganung klaseng hanap-buhay, delikado pagkat mga bata pa sila't araw-araw nakalalasap ng bugbog.

11I-D. Bukod sa awa, nayamot ako sa tatay pagkat hindi nito pinag-aaral ang mga anak at sariling ambisyon lamang nito ang iniisip, anong klase siyang ama! Nauunawaan kong hikahos sila sa buhay subalit marami pa namang paraan upang makaahon kahit paano sa hirap. Kawawang mga bata't marahil ay lamog-lamog na ang katawan sa araw-araw na pakikibaka sa boksing, daig pa si Pacquiao. Nang makaramdam ng antok, umidlip muna ako. Napasarap ang aking pag-idlip kaya malapit nang mamayagpag ang dilim nang magising. Kinagabihan ay binebwenas muli ang sikmura sa dalang pasalubong nina ate. Kahit naghapunan na'y nagawa pa rin lantakan ang kanilang pasalubong at lumubo halos ang katawan sa katakawan. Sa labis na busog na nanalaytay sa Sikmura, halos hindi na makakilos. Hinintay ko munang matunaw ng tuluyan ang kinain bago matulog. Nakakapanibago lamang pagkat makalipas ang labing-dalawang taon, ngayon lamang muli nakatabi si Mama sa pagtulog. Dahil sa paninibago, hindi makatulog at ang sikip pa.   


January 15, 2018

Monday

Year VI-015

11I-E. Araw muli ng Lunes at may pasok nanaman, mapaeskwela man o opisina. Kinakabahan pagkat posibleng ngayong araw na malalaman kung matatanggap ba ako sa PAGASA. Iniisip man ang posibilidad na mangyayari ay nanatili pa ring positibo't umaasang sa linggong ito ay maari nang makapagsimula sa OJT. Dalangin lamang sa maykapal na sana'y matanggap doon. Pagkaalmusal, kaagad nang nagbihis at naghanda-handa pagkat hindi pa tapos ang pag-aasikaso ng thesis. Sa bahay muli nina Myrrh napagpasyahang gawin ang thesis at kaming dalawa lamang ang umasikaso pagkat may duty pa si Kim. Walang kamatayang Stress muli ang kakaharapin habang abala sa paggawa ng thesis at nakakapiga ng utak pero kinakaya pa rin. Kahit nag-uumapaw na ang pagka-stress, naaliw naman dahil sa anak ni Myrrh na napakakulit at makwela. Sarap din ang magkaroon ng anak dahil bukod sa naibubuhos ang lahat ng pagmamahal sa kanya, nalilibang ka araw-araw sa tuwing kausap siya't kalaro, sa kabila na maraming tungkulin ang dapat gampanan sa kanya bilang magulang.

11I-F. Gustuhin ko man ang magkaanak subalit may tamang panahon para diyan. Kung ibig mong magkaanak, yung kaya nang tumayo sa sariling paa, may magandang buhay at kayang-kaya mo nang buhayin ang bata, hindi yung magkakaanak ka dulot lamang na hindi nakapagpigil ang init ng katawan at hindi man lamang inisip na maaring mag-suffer ang bata dahil nagpadalos-dalos kayo. Kung ako magkakaanak, gusto ko naibibigay lahat ng kanyang pangangailangan at naipalalasap ang magandang buhay, hindi misirable. Sa kabila na maagang naging ina si Myrrh, mapalad pa rin ang anak nito sa kanya dahil sa nakikita ko'y nakakayang tustusan ang pangangailangan ng anak at may taglay pang katalinuhan si Myrrh, na magagamit niya sa kaunlaran kasama ang anak. Pagsapit ng Alas-dos, kinailangan ko nang magpaalam sa kanya pagkat may lakad pa. Tumawag muna ako sa PAGASA para alamin kung tanggap ba matapos magpasa ng mga requirements subalit sinabing wala ang HR Manager.

11I-G. Mukhang alanganin kung hihintayin pa ang desisyon ng kinauukulan sa PAGASA, hindi ko naman ibig na mag-aksaya ng panahon sa kakahintay kaya naisipang maghanap muna ng ibang company na maaring sumalo kung sakaling i-reject doon. Sa CHED ko naisipang magtungo, mas malapit kumpara sa PAGASA, lakas loob akong pumasok sa opisina't nag-inquire. Ikinahina ko ang sinabi ng personnel pagkat wala na raw slot, gayunpaman ay pinapunta nila ako sa CHED-NCR, nagbabakasaling may vacant slot pa subalit maging doon ay wala na raw. Sinubukan ko sa CHED-4, ang problema ay wala ang kanilang Chief Executive kaya hinintay muna ito. Habang hinihintay ay nadiskubreng nawawala ang ibinigay na Visitor's Pass, hinalughog ko ang bag subalit hindi masumpungan. Kahit may kalamigan ang opisina'y pagpawisan pa rin dahil sa namamayaning tensyon sa dibdib.

11I-H. Nangangambang hindi mababawi ang ID kapag di naisauli ang Visitor's Pass. Sa halip na magpakalunod sa stress, umisip ako ng paraan. Mag-iisang oras na subalit hindi pa dumarating ang Chief executive kaya napagpasyahang umalis na. Bago lumabas, bumalik ako sa office ng HR Department, nagbabakasakaling doon naiwan ang ID subalit wala raw sila nakita kaya hindi na maiwasan ang mangamba. Gumaan naman ang nasa dibdib nang sabihing ibibigay pa rin ang ID basta may Visitor's Pass Receipt, maigi na lamang at hindi ko 'yon naiwala kaya nabawi pa rin ang ID sa kabila na hindi naibalik ang Visitor's Pass. Umuwi akong nababalutan ng pag-aalala ang nasa tuktok at iniisip kung makakapagsimula na ba ngayong linggo sa OJT. Kinagabihan, pagtitinda ang inatupag ko. Mga bandang Alas-nuebe nang mapagpasyahan kong magsara.    


January 16, 2018

Tuesday

Year VI-016

11I-I. May liwanag na sa labas nang ako'y magising. Habang nag-aalmusal, biglang nag-text sa akin si Papa at may maganda itong balita nang sabihing may vacant slot pa sa kumpanyang pinapasukan nito. Gusto ko na sanang sunggaban ang pagkakataon para makapagsimula na, kaso nag-aalangan pagkat una, napakalayo at baka ma-hassle lamang sa pagbiyahe kapag naipit sa traffic at pangalawa, baka madalas akong ma-late. Bukod pa roon, kailangan ko munang hintayin ang hatol ng PAGASA bago magdesisyon na tanggapin ang opurtunidad sa Court of Appeals. Nang magharap kami ni Papa, sinabi nitong isang slot na lamang ang natitira at baka maunahan ako kung patatagalin pa. Para akong napapagitnaan ng dalawang nag-uumpugang bato pagkat nagdadalawang isip kung saan ba isasagawa ang OJT at naguguluhan na. Sayang naman kasi kung tanggapin ko agad-agad ang opportunity sa Court of Appeals tapos natanggap naman pala sa PAGASA, sayang din naman kung pakakawalan ko ang opportunity doon at endorsement letter lamang ang requirements kaya nahihirapan nang magdesisyon. Bago magtungo ng School, nagpunta muna sa Saint Peter Church at nagdasal para humingi ng tulong sa maykapal.

11I-J. Ang dalangin ko na sana'y matanggap na sa PAGASA pagkat gusto ko talaga doon magtrabaho balang araw at kung hindi man, may slot pa sa Court of Appeals. Kahit sa nakikita ko ay mukhang alanganin at baka magsisi pa sa huli, buo pa rin ang pag-asa na makakapag-intern at makakahanap ng trabaho sa hinaharap. Pagkatungtong sa paaralan at gawa na nagugutom, naisipan munang kumain. Nairita lamang sa tindera pagkat ang tagal mag-serve at nakakainip. Kaya ko naman maghintay subalit huwag naman sobrang tagal. Sa tagal, ibig ko nang umalis at sa iba na lamang kumain subalit naihain din ang inorder na pagkain kinalaunan. Ang mahal pa maningil at dapat ay hindi na lamang doon, aksayado sa oras!

11I-K. Pagkatungtong ng Library, wala pa sina Myrrh at Kim, hinintay ko muna sila. Para hindi mabagot sa kakahintay, namasyal-masyal muna ako. Pagkatungtong sa Quadrangle, may nagaganap na dance contest at kanya-kanyang pakitang gilas ang bawat kalahok na pangkat, may iba na nakakamangha at mapapahanga ka talaga subalit may ilan din na nakakatawa at hindi mo mapipigilang mapahalakhak ng malakas. Nabitin lamang kami pagkat hindi na tinapos pa ang Dance Contest dahil may isasagawang program ang mga HRM sa pangunguna ni Dean Salazar. Habang hinihintay na magsimula ang program, yumanig halos ang buong campus nang maghiyawan pagkat hindi akalaing sasayaw ng Budot Dance si Dean. Palong-palo't akala mo bagets na bagets kahit may edad na kung makahataw ng Budot Dance ang aming dekana't nakakaaliw, daig pa kaming mga Millennial.

11I-L.  Habang humaling sa panonood ng Budot Dance ni Dean ang pagdating ni Kim at kaagad na tumungo sa library. Ipinagpatuloy namin ang paggawa ng Thesis. Hapon na't gawa na inaantok na ang bawat isa sa amin, tinatamad nang gumawa, ang resulta'y hindi na tinapos pa't napagpasyahang umuwi. Pagkauwi at gawa na inaantok talaga, umidlip muna ako. Kinagabihan at kahit ganap nang sumakop ang dilim sa kapaligiran, wala nang inaksaya pang oras at tumungo sa bahay ng kliyente na si Anjenette upang kapanayamin subalit wala pa ito sabi ng kanyang kapatid. Sa halip na bumalik ng bahay at dahil matagal-tagal nang hindi nakakabisita, tumungo muna ako kina Angelica. Higit isang taon din ako hindi nakakatungtong sa pamamahay nila kaya gulat na lamang nang malamang may anak na pala ito't pitong buwang gulang na.

11I-M.  Bukod pa roon ay pakiwaring nagbago ang pakikitungo sa akin ni Angelica pagkat hindi na ito palakibo't kwento sa akin, ako pa ang gagawa ng paraan para pansinin na dati naman ay kusa, parang ang ilap na niya. Marahil ay naninibago lamang sa akin, isang taon ba naman hindi nakakadalaw at nagkikita, maigi na lamang at kilala pa niya ko. Gawa na parang matabang ang pakikitungo sa 'kin ni Angelica, hindi na nagtagal pa sa kanila. Sa bahay nina Ate Bing ako sunod na nagtungo at saktong gising pa ang mga ito. Buti pa si Ate Bing na kahit isang taon nang hindi nakakabisita sa kanila, nangigimi pa itong makipagkwentuhan sa akin. Napapasarap na ang usapan namin kaya hindi namamalayan ang oras at kailangan nang magpaalam sa kanila. Pagkabalik sa bahay ni Anjenette, wala pa rin ito, may kalaliman na ang gabi kaya napagpasyahang bukas na lamang isagawa ang pakikipagpanayam sa kanya. Pagkauwi, nagmumuni pansamantala't nang antukin ay natulog na.            


January 17, 2018

Wednesday

Year VI-017

11I-N. Nawala na ang antok sa mga mata kaya kahit hindi pa tuluyang dumidilat ang haring araw ay bumangon na't nag-almusal. Hinintay ko munang dumating si Mama galing check-up pagkat walang magbabantay sa kapatid ko na may kapansanan. Nang makauwi si Mama, saka lamang nagkaroon ng pagkakataong magtungo sa bahay ni Anjenette. Nagising ang tuwa sa dibdib pagkat saktong naroroon ito't kaagad nang sinimulan ang pakikipagpanayam sa kanya. Dahil naging makwento ang kliyente ko, tumagal ng halos dalawangpung minuto ang pakikipagpanayam sa kanya. Pagkatapos ay tumungo na ko ng School para kuhain kay Hannah (Bernardino) ang mga testing materials. Saktong wala pa ito subalit hindi rin nagtagal nang dumating siya dala ang kakailanganing Test materials para sa kliyente at laking tuwa pagkat hulog siya ng langit. Nang makapagpa-zerox ay nagpaalam na kami sa isa't isa.

11I-O. Nakakaramdam na ng gutom kaya bago umalis ay kumain muna ako. Paalis na dapat ako nang biglang dumating sina Nikki kasama si Myrrh. Marami pa palang dapat asikasuhin at dagdagan sa Thesis kaya napigilan ako't tinulungan si Myrrh. Ilang sandali pa, sa wakas ay natapos na rin namin at dagliang ipinasa sa RDIC para sa Turnitin. Hindi lamang maiwasang makaramdam ng kaba pagkat baka hindi makapasa ang Thesis sa Turnitin subalit nagawa pa rin maging positibo at kapit-kamay kaming dalawa sa pananalig. Pagkatapos, dali-dali nang tumungo sa PAGASA. Habang papalapit ang yapak sa HR Department ay palakas nang palakas ang kabog ng kaba sa dibdib subalit nilakasan ang loob hanggang sa makaharap ang HR Manager.

11I-P. Habang kausap ito'y para akong halaman na unti-unting nalalanta nang sabihin nitong maliit ang tiyansang matanggap ako sa ngayon, sa kadahilanang may mga incoming Intern Students. Sa kabila niyon ay sinabi nitong hindi nangangahulugan na hindi na ko tanggap at kailangan munang hintayin ang pagkakataon na magbukas muli. Nagawa pa niya ko payuhan at sa sinasabi nito ang lalo pang nagpadismaya sa akin. Sa puntong iyon, napag-isip-isip ko na sa Court of Appeals na lamang mag-intern, kaysa maghintay pa sa PAGASA na walang kasiguruhan kung kailan magsisimula, kaso gusto ko talaga doon pagkat pangarap kong maging Meteorologist at para hindi na mangangapa-ngapa pa kung sakaling magtrabaho ako doon.

11I-Q. Wala akong magagawa at ganon talaga, kailangan nang tanggapin na marahil ay hindi para sa akin ang PAGASA, may tamang panahon para diyan at hangga't may panahon ay may pag-asa pa. Bago umuwi ay tumungo muli sa bahay ni Anjennete upang mag-conduct ng Psychological examination. Naisipang bukas na lamang pagkat may karamihan ang nakuha kong Testing materials subalit sinabi nitong ngayon na pagkat may klase ito bukas. Habang isinasagawa ang examination ay tamang pakikipagkwentuhan lamang kay Annie (Belga) para hindi mabagot sa kakahintay at nakakalibang itong kausap, parang close na isa't isa kahit ngayon lamang nagkausap sa tagal ng panahon na magkakilala. Sa dami, tumagal ang kanyang examination ng tatlong oras at bandang Alas-otso na nakauwi.          


January 18, 2018

Thursday
Year VI-018

11I-R. Masarap pa sana ang tulog subalit nagising na dahil sa tugtog na kung pakikinggan ay pangkanto at tugtugan ng mga tambay. Nakakaurat pagkat paulit-ulit, nakakabuwisit, ang lakas pa man din at dinig na dinig. Gawa na ako'y rinding-rindi na sa kanta, sa halip na pagsabihan ay lumipat na lamang ng kabilang kwarto para hindi marinig. Lalo pa kong naimbyerna nang ulitin ang kanta't tila walang kasawa-sawa, walang pasintabi sa mga natutulog pa. Bakit karamihan sa ating mga Pinoy, pumatok lamang ang kanta, kahit may hatid itong hindi magandang mensahe'y tatangkilikin at kahuhumalingan pa rin, basta uso, doon tayo kahit masama pa yan. Yamot na yamot na halong pagkaurat na ang pakiramdam ko dahil sa kantang pangkanto kaya darating na sa puntong ibig nang sigawan ang nagpapatugtog, kaso nilipat niya.

11I-S. Ayos lang naman sa akin ang mga kanta at magpatugtog sila pero yang kantang "Hayaan mo sila" ang patugtugin, nakakaurat pagkat paulit-ulit! Akala mo'y pakawala sa kalye. Dahil may lakad pa ko ngayong araw, hindi na nagpatumpik-tumpik sa pagbangon. Tumungo muna ako sa Batasan Pambansa para mag-inquire, nagbabakasakaling may slot pa roon. Pagkatungtong ng HR Department, minamalas ng lagay pagkat wala yung HR Manager at sa Lunes pa raw ang balik nito.Hindi na maiwasang madismaya pagkat palagi na lamang hindi pinapalad at nauuwi sa wala ang pagkukumahog subalit buo pa rin ang pag-asa na makakahanap ng kumpanyang maaring pagdausan ng Internship.

11I-T.  Sa lawak ng Batasan Pambansa, maraming pwedeng pasyalan, magagawa mo rin kung ano ang ibig gaya ng humiga at mag-relax pagkat walang gaanong mga tao. Marami rin mga puno kaya ligtas sa polusyon ng siyudad at preskong hangin lamang ang malalanghap. Ibig ko muna sanang tumambay doon, kaso maalinsangan ang panahon at nagmamadali pa. Dahil katapat lamang ay sinubukan ko sa DSWD subalit sinabi ng Personnel na through online ang pag-hire nila ng Intern Student at doon din malalaman ang tungkol sa slot. Hindi na ko nagtagal pa roon.

11I-U.  Wala pang ibig umuwi kaya gumala muna ako't naisipang magtungo sa Montalban. Habang nasa Robinson, inasikaso ko na ang paggawa ng Psychological Report ng Client. Namomoblema lamang ng lagay nang madiskubreng hindi pala nadala lahat ng Answer key, maingay pa dulot ng mga tugtog kaya hindi makagawa ng maayos, napagpasyahang sa bahay na lamang gawin ang natitira. Pagkatungtong ng SM San Mateo at dahil may kalapitan lamang iyon mula sa amin, napagpasyahang lakarin na lamang kahit tirik nang husto ang haring araw at bilang ehersiso na rin at makatipid sa pamasahe. Pagkatungtong sa sariling tahanan ay magkandahapo sa layo ng nilakad at mistulang nilalang na natitigang. Pagkabihis ay daglian akong nagpahinga. Kinagabihan nang ipagpatuloy ko ang paggawa ng Psych Report. Dahil sa kakulangan ng Answer key at Power point ng bawat uri ng Psychological Exam na makakatulong para umusad ang paggawa, napagpasyahang itigil muna.        


January 19, 2018

Friday
Year VI-019

11I-V. Halos dalawang Linggo na rin ako naghahanap kung saan mag-i-intern subalit hanggang ngayon ay bigo pa rin pagkat ilang ulit nang tinatanggihan at nauunahan, kaya napagpasyahang sunggaban na ang opurtunidad sa Court of Appeals nang sa ganon ay matapos na ang paghihintay at paghahanap at makapagsimula na. Isang linggo na rin kasing gumagastos, wala naman napupuntahan kaya buo na ang loob ko na doon na mag-i-intern at sana'y may slot pa. Sa sarap ng tulog, ganap nang sumapit ang Alas-otso nang ako'y magising at kaagad nang naghanda-handa't ayos para sa pagtungo ng School. Wala si Sir Ronan nang datnan sa Faculty, naghintay muna subalit hindi naman nagtagal ang aking paghihintay at nang siya'y makaharap ay daglian nang humingi ng Endorsement Letter. Parang sinindihang posporo ang aking kalooban nang hingin pa nito ng mga requirements bago makakuha ng Endorsement Letter na dati nung ako'y manghingi para sa PAGASA ay hindi naman hiningan kaya abot-langit ang pagtataka.

11I-W. Nayamot na ko nang panahong iyon at sa yamot, muntikan na itong sagutin ng pabalang. Kung ano-ano pa ang kanyang sinasabi kaya lalo pang nagpuyos ang aking dibdib at pasalamat siya pagkat napahaba ko ang pasensiya kaya hindi ito nasagot, muntikan pa lang. Hindi ko lamang mapigilang sumama ang loob pagkat pinahihirapan niya ko, walang konsiderasyon! Tila may problema siya sa akin. Sa huli, sinunod ko na lamang ang gusto niya at dahil sa kawalan nito ng konsiderasyon, di tuloy nakakuha ng Endorsement Letter. Head pa man din siya ng Psychology Department subalit kung umasta parang hindi, magulo pa kausap at hindi mo malaman ang takbo ng isip, hirap ispelengin. Hindi ko mawari kung bakit siya ang ginawang head! Umuwi akong lugmok na lugmok ang mukha sa labis na pagkadismaya.

11I-X. Nandiyan na, nakawala pa't may mga bagay talagang hindi mo inaasahan. Matapos mananghalian at dala na nadidismaya, itinulog ko na lamang. Saktong pahupa na ang liwanang nang ako'y magising. Kinagabihan, pagtitsek ng Answer Sheet ng kliyente ang pinagkaabalahan ko't paggawa ng Psychological Report. Gawa na tinatamad na't hindi na ibig pang sumakit muli ang bungo sa kaka-compute, naisipang ipagpabukas na lamang. Dis-oras na ng gabi't karamihan na sa mga kapit-bahay na marahil ay himbing na sa pagtulog subalit hindi pa rin makuha-kuha ang masarap na pagtulog, marahil ay tinamaan na ng Insomnia. Sinubukan kong gawin ang mga bagay na makakapagpaantok subalit walang epekto. 


January 20, 2018

Saturday

Year VI-020

11I-Y. Dala na hindi makatulog kagabi sa hindi malamang dahilan, tinanghali na ko sa paggising. Namamayani pa ang antok sa mga mata subalit kailangan nang awatin ang sarili sa paghilata. Pagkaalmusal, ipinagpatuloy ko ang paggawa ng Psychological Report. Malapit nang sumapit ang tanghaling tapat nang ihanda ang sarili pagkat may lakad. Tumungo muna ako sa Guidance office ni Ma'am Paula upang manghiram ng Scoring Key at mangamusta na rin sa kanya subalit sarado ang opisina nang aking datnan. Sa halip na umalis ay nag-abang muna ako, nagbabakasakaling may pinuntahan lamang ito. Isang oras na ang nakakalipas, hindi pa ito dumarating hanggang sa mapag-isip na marahil, hindi ito pumasok kaya saka lamang umalis. Tumungo naman ako sa Guidance Office ni Sir Jansen, nagbabakasakaling naroroon ito subalit maging siya ay wala. Nasayang lamang ang pagpunta ko sa OLFU-Regalado, mga wala naman pala sila! Nang makatungtong sa Main Guidance Office at nakaharap si Ma'am Anna Marie, daglian nang nanghiram sa kanya.

11I-Z. Habang hinihintay na pahiramin ni Ma'am ng Scoring Key, naging matanong si Ma'am Lovely, napkwento tuloy ako't kahit may katagalan ang paghihintay pagkat may kabagalan sa pagkilos si Ma'am Anna Marie, hindi naman nabagot ng lagay. Nalilibang talaga ako kapag may kapalitan ng kuro-kuro't hindi napapanisan ng laway. Pagkabigay ng Scoring key ay pinuntahan ko pa si Nikki sa Admission office upang bayaran na ang utang sa kanya pagkat nagmamaktol na ang lola mo! Dahil kapwa may samaan ng loob sa isa't isa dahil sa hindi pagkakaintindihan patungkol sa utang, hindi magawang mag-imikan na dati kung maghuntahan ay parang matagal-tagal nang hindi nagkita. Hindi ko akalaing magbibitaw ng mabibigat na salita si Nikki. Labis akong nainsulto at nasaktan pagkat kung makapagsalita siya, akala'y inaagrabyado't sinasamantala. Siya na pinakitaan ko ng kagandahang loob at hindi magdadalawang isip na tulungan sa tuwing may kailangan ito, tapos ganoon na ang tingin niya sa akin dahil lamang sa may nasabi akong hindi nito nagustuhan na ang totoo'y nagbibiro at ibig lamang siyang pasiyahin.

11J-A. Ang ayaw ko sa lahat ng tao ay yung nahuhusgahan sa bagay na hindi naman ako ganoon at masakit dahil ang taong itinuring nang matalik na kaibigan at halos kapatid na nga, siya pa ang gagawa niyon sa akin at hindi talaga makapaniwalang masasabi niya iyon, sa Social Media pa mismo. Sinubukan kong pakalmahin ang aking loob habang kaharap ito subalit hindi na napigilan, ayaw ko naman mag-eskandalo kaya mas piniling umalis na lamang at ibinuhos kina Nadia ang naghihinakit na loob. Pagkauwi'y ipinagpatuloy ko ang paggawa ng Psychological Report at pagtitsek ng answer sheet ng kliyente. Iyon ang pinagkaabalahan ko hanggang sa sumapit na ang gabi. Medyo tinatamad na ng lagay kaya hindi na tinapos pa at mas piniling manuod na lamang ng telebisyon.

11J-B. Bukod sa kakaiba pagkat ngayon lamang napanuod ang ganong klaseng takbo ng buhay, namangha rin ako sa natunghayang kwento sa Maala-ala Mo Kaya. Siya si Abby na namulat sa pamilyang relihiyoso at walang ibang inuuna kundi Diyos, dahilan ng pagiging makadiyos niya subalit nabago ang takbo ng buhay ni Abby nang bawian ng buhay ang pinakamamahal niyang ama. Pakiramdam nito, pinabayaan siya ng Diyos at iniisip na walang awa, dahilan kung bakit lumaki itong isang rebelde at lapastangang anak. Naging masalimuot ang kanyang pamumuhay pagkat napabarkada sa mga taong ang tanging libangan ay lunurin ang sarili sa masamang bisyo at naging maruming babae pagkat maging menor de edad ay pinapatos nito.

11J-C. Naging makasalanang nilalang si Abby na maaring ihalintulad sa gawain ng demonyo at inisip na kalaban ang Diyos subalit sa kabila niyon ay natauhan ito, nagbagong buhay hanggang sa magbalik loob ito sa Maykapal at maging Pastora pa. Tunay ngang kapag pinanghihinaan ka ng loob, madaling maimpluwensyahan ng kaaway ng Diyos gaya ng nangyari kay Abby na pinasukan ng demonyo ang buhay kaya ito nagkaganito dahil napanghinaan ng loob nang mamatay ang tatay. Napakaraming aral akong napulot sa buhay niya. Kahit anong pagsubok ang kaharapin na pakiramdam mo'y pinagsakluban ng langit at lupa, ipagpatuloy pa rin ang pananalig sa Diyos at huwag hayaang tuluyang sakupin ni Satanas ang ating buong pagkatao.       


January 21, 2018

Sunday

Year VI-021

11J-D. Ganap nang pumutok ang liwanag subalit sarap pang humilata ng lagay at halos hindi maawat ang sarili sa kama pagkat dama muli ang malamig na panahon na para bang yumayakap sa katawan. Pagkaalmusal, kaagad kong pinuntahan si Anjenette upang kapayamin muli ito pagkat kulang ang nakalap na impormasyon mula sa kanya subalit wala siya nang aking datnan. Pagkabalik ng bahay, paggawa ng Psychological Report at Clinical Case Report ang pinagkaabalahan. Sa kagustuhang matapos na'y iyon lamang ang iginugol hanggang sa magtanghali. Sa dami, bigo pa rin matapos.

11J-E. Medyo nakakaramdam na ng gutom kaya napagpasyahang itigil muna ang ginagawa para mananghalian. Balak sanang ipagpatuloy ang ginagawa subalit tinatamad na pagkat tinamaan na ng antok. Kinahapunan nang bumalik ako sa bahay ni Anjennete. Saktong naroroon na ito kaya nagkaroon ng pagkakataong kapanayamin siya. Hindi naman nagtagal ang pag-interview ko sa kanya't pagkauwi, paggawa muli ng Psychological Report ang pinagkaabalahan. Bago pa man sumipa ang gabi nang sa wakas ay natapos na rin at wala nang alalahanain pa.

11J-F. Kinagabihan at matapos ang maghapong abala sa paggawa ng Psychological Report na halos mabuwang na dulot ng stress, ngayon lamang makakapag-relax ng matiwasay at walang bumabagabag. Tamang nuod lamang ng Telebisyon at bukod sa nakakamangha't kahali-halina ang ipinamalas na talento ng bawat kalahok sa Pilipinas Got Talent ay nakakatawa rin, lalo na nang magtanghal ang isang baklita na nag-lip sync at naloka ako sa inalabas nitong mga iba't ibang dahon mula sa kanyang kasuotan habang nili-lip sync ang kantang "Dahan-Dahan" at hindi namin iyon inasahan. Labis akong na-entertain at ang lakas ng impact, kabog na kabog! Sa totoo lamang, kung ano pa yung talento na simple at walang kwenta, iyon pa ang nakakatawa at hanga ako sa mga tao na ang tangin hangarin ay pasayahin ang madla kahit nakakahiya na't gusto mo nang hagisan ng kung ano-ano.   


January 22, 2018

Monday

Year VI-022

11J-G. Muling naging masarap ang aking tulog, kasing sarap ng putaheng pangmayaman o mga pagkaing bibihira lamang nalalasap kaya inabot muli ng liwanag sa paggising. Dahil nababagot, pagtitinda kaagad ang aking inatupag. Maya-maya pa at dahil may aasikasuhin ngayong araw at may lakad, naghanda-handa na ko. Lakas ng loob ang aking pinairal habang inilalapit ang yapak kung saan namamalagi si Sir Ronan upang manghingi ng Endorsement Letter. Hindi naman naging mapagkait sa akin ang pagkakataon at swerteng kaagad itong nakita. Walang ibang maramdaman kundi kaba habang kaharap siya subalit nagpakatatag ako't tahasang nakiusap na bigyan ng Endorsement Letter. Mabilis pa sa guhit ng kidlat ang pagpayag nito at para akong lumilipad sa langit dulot ng kagalakan nang mapasakamay ang Endorsement Letter. Kaagad na kong tumungo sa Dean's Office upang magpapirma. Saktong wala ang aming dekana subalit kaagad din naman ito dumating. Umigting pa lalo ang nararanasang tuwa nang mapirmahan nito kaagad ang Endorsement Letter at sa halip na umalis, inasikaso ko muna ang mga requirements para sa completion ng aking OJT for School Setting.

11J-H. Pagkapasa kay Ma'am Anna Marie, hindi nito tinanggap, sa kadahilanang mali-mali raw ang gawa ko't napakaarte niya. Dahil tutungo pa ko sa Court of Appeals para magpasa ng Endorsement Letter, nakiusap ako kay Ma'am na bukas na lamang magpasa, hindi naman nahirapan na mapapayag ito. Sa layo ng biyahe at idagdag pa ang traffic, dalawang oras din ang lumipas bago makatungtong sa Court of Appeals. Pagkapasok pa lamang ay na-overwhelm nang husto pagkat hindi pa man ako nagpapakilala at walang balak magpakilala subalit kilalang-kilala ng mga gwardiyang nagbabantay na anak ako ni Papa na kanilang katrabaho. Dahil nakikilala nila ako, bukod sa nakapasok ng madali, nakaramdam ako na parang ginagalang at pinapahalagahan.

11J-I. Mabuti na lamang, doon nagtatrabaho si Papa na tatlumpung taon na rin ang nakakalipas. Limang taon magmula nang huling nagtungo sa Court of Appeals, ang laki na ng pinagbago nito at hindi maiwasang mapanganga habang inililibot ang paningin. Sinamahan ako ng isang babaeng Personnel hanggang sa makarating ng Personnel Division. Pagkatungtong doon, daglian na kong nagpasa ng Endorsement Letter at bago umalis ay hiniling ko sa kanila na isailalim sa orientation nang sa ganon ay hindi na mangangapa-ngapa pa sa kung anong ipapagawa. Ipinaliwanang naman sa akin kung ano ang mga tungkulin bilang Intern Student at mga alituntunin sa opisina. Isa-isa rin ipinakilala ng HR ang mga kasamahan nito.

11J-J.  Pagkatapos ay kaagad nang nagpaalam sa kanila. Bago ko lisanin ng tuluyan ang Court of Appeals ay tumungo muna sa Medical Clinic upang magpa-schedule ng pagpapabunot ng Ngipin. Dami kong halakhak pagkat sadyang mapagbiro ang dentista at dinaig pa ang komedyante habang ito ay kausap. Laking tuwa nang banggitin nitong kilala rin si Papa at hindi akalain na ganon katanyag ang Papa sa pinapasukan nito. Wala pang balak umuwi, kaya naisipan ko munang gumala at mamasyal sa Robinson Manila na walking distance lamang mula sa Court of Appeals. Habang naglilibot-libot at aali-aligid, patuloy na sumasagi sa isipan ang sandaling namamasyal sa mall na iyon kasama si Mama nuong bata pa't madalas namin iyon ginagawa sa tuwing napapagawi sa Court of Appeals.

11J-K. Ang sarap balikan ang masasayang ala-ala sa aking pagkabata't ngayong nasa hustong edad na, napagtatanto na marami na pala akong pinagdaanan at pasalamat sa maykapal dahil nalampasan lahat ng iyon. Bandang Alas-tres nang mapagpasyahang umuwi at habang lulan ng kakarag-karag at mukha nang luma na bus ay asksidente itong nabangga ng isa pang bus. Swerteng side mirror lamang ng bumanggang bus ang napinsala't hindi naman napahamak kaming mga pasahero subalit nagbangayan ang dalawang tsuper pagkat ayaw tanggapin ng bumanggang bus na siya ang may kasalanan. Mabuti na lamang at may traffic enforcer kaya hindi naman nagpang-abot ng magkabilang panig. Naiinis ako sa tsuper na iyon pagkat siya na nga ang nakabangga na muntikan na namin ikadisgrasya, siya pa may ganang magalit at nakuha pang magpakawala ng maanghang na salita. Saktong pahingalo na ang liwanang nang sa wakas ay nakarating din sa tahanan at pansamantalang nagpahinga. Nagpapasalamat sa maykapal pagkat bukod sa nakahanap na ng site para isagawa ang Internship, hindi niya hinayaang mapahamak ako kanina sa bus at sadyang napakabuti niya.       


January 23, 2018

Tuesday
Year VI-023

11J-S. Dahil bukas pa maaring magsimula para sa OJT pagkat may aasikasuhin pa't balakin ngayong araw, kalat-kalat na ang liwanag sa labas nang ako'y magising. Dahil may pinuntahan sina Mama at ako lamang ang mag-isang naiwan sa bahay, nagtinda-tinda muna ako. Walang gasinong bumibili kaya hindi maaiwasan ang mainip at mabagot. Para matanggal ang pagkabagot, naisipan kong manuod ng Telebisyon. Hindi ko mapigilang tumawa na halos mapunitan na ng ngala-ngala habang pinapanuod ang palabas na Jack En Poy at umaapaw ang kakulitan ng bawat tauhan habang may pinaggaganapan at puro kalokohan ang ganap. Dahil labis ang pagkahumaling sa panunuod ng palabas, hindi namamalayan ang pagdating nina Mama. Sa kakatawa ng walang puknat, sumaya ang araw ko't pakiwaring sumisigla habang tumatagal. Bandang tanghali nang mapagpasyahang umalis ng bahay at pagkarating ng School, kaagad inasikaso ang requirements para sa OJT completion na naudlot ipasa kahapon.

11J-T. Bumabalot ang kaba habang napipinto ang pagharap ko kay Ma'am Anna Marie para magpasa sa takot na i-reject niya muli ito subalit itinago na niya't pinapunta sa Dean's Office upang kumuha ng Evaluation Sheet, hudyat na grado na lamang ang kulang para sa OJT Completion. Sa halip na umuwi at dahil nabatid ko na pumanaw na ang nakakatandang kapatid ni Anne Rose na may kapansanan, naisipan munang magtungo sa kanila. Sa aking pagbisita ay tanging nanay lamang nito ang nadatnan ko't mga kaanak at wala siya. Habang naglalahad ang kanyang nanay patungkol sa sinapit ng namayapa nitong anak, awa ang bumabalot sa dibdib at hindi akalaing kukuhain na lamang siya ng basta-basta subalit maigi na rin iyon nang matapos na ang kanyang paghihirap.

11J-U. Nakakapanghinayang lamang dahil sa kabali na may kapansanan ito na gaya sa aking kapatid na kung tawagin ay Autism, may angkin itong katalinuhan at daig pa nga ako. Pagkaabot ng abuloy at wala pang oras ay nagpaalam na ko sa kanila. Kahit may mga oras na nayayamot ako sa ikinikilos ng aking kapatid at nauubusan ng pasensiya, nawa'y hindi iyon mangyari sa kanya at patuloy na patnubayan ng maykapal. Pagkauwi at dahil bukas na magsisimula ng aking OJT, naghanda-handa na't namalantsa ng mga isusuot sa pang-araw-araw. Kinagabihan, magkahalong sabik at kaba ang namamayani sa dibdib pagkat sasalang na bukas sa Internship at nawa'y kayanin ang loob na makisalamuha sa mga taong makakahalubilo roon at magkaroon ng kaibigan.      
 
January 24, 2018 
Wednesday
Year VI-024

11J-V. Unang araw ng aking Internship para sa Industrial Setting at batid ko na may kalayuan ang Court of Appeals mula sa amin at baka mahuli pa kung maipit pa sa traffic, inagahan ko sa paggising. Malapit nang pumatak ang Alas-sais nang lisanin ang tahanan ng may saya pagkat makakapagsimula na subalit napalitan iyon ng pagkayamot nang madatnan sa antayan ng Tricycle na napakahaba ng pila. Halos tatlumpung minuto rin bago ako nakasakay at pagkatungtong sa highway, bukod sa mahaba ang pila ay marami rin mga tao ang nag-aabang ng masasakyan. Karamihan sa mga na patungo sa aking pupuntahan, punuan at standing ovation ang mga pasahero kaya pahirapan ang makasakay. Kapansin-pansin na pahirapan nga naman ang sumakay kapag pa-south bound ka, hindi tulad kapag pa-north bound, kahit punuan ay nakakasakay pa ko at bibihira lamang iyon mangyari.

11J-W. Kaya kapag ako maghahanap ng trabaho, along Quezon City or Caloocan lamang ako o kahit Bulacan pa para hindi hassle sa biyahe. Wala naman problema sa akin kung malayo, basta hindi nahihirapan sa pagsakay at walang traffic. May nasakyan naman akong bus, ang nakakatawa ay maling destinasyon, bumaba pa tuloy ako't nag-abang muli ng masasakyan. Sumapit na ang Alas-siete, di pa rin ako nakakasakay at walang ibang maramdaman kundi Stress. Bakit pa kasi sa Court of Appeals pa gusto nina Mama ako mag-intern, nakakainis! Dahil isang oras nang nag-aabang, napag-isip-isip nang huwag na lang tumuloy pagkat mahuhuli na subalit nakasakay naman ako kinalaunan.

11J-X. Dahil naabutan ng traffic sa lansangan dulot ng rush hour, patak-patak Alas-otso na ko nakatungtong ng Court of Appeals at saktong naroroon pa si Papa. Sinamahan niya ko hanggang Personnel Division at ipinakilala. Pagkatapos ay may ipinagawa na sa akin at iyon ay paggawa ng card ng bawat Employee at pagpu-puncher ng sangkatutak na papeles. Nakakatuwa dahil may pinagkakaabalahan ako't hindi pa nakaka-stress subalit hindi lamang mapigilan ang mailang pagkat ako lamang ang bukod tanging Trainee sa loob ng opisina't walang makausap. Gayunpaman ay kailangang magtiyaga sa kagustuhang matapos. Sa sobrang abala, hindi namamalayang tanghali na't oras na upang mananghalian. Itinuro sa akin ni Ma'am Belen kung saan ang Canteen at pagkatungo, mistulan itong restaurant at ang daming kumakain, aakalain mong mga susyal ang costumer. Hindi dapat ako bibili pagkat kukulangin na sa kwarta subalit laking tuwa nang si Ma'am Belen na ang sumagot ng aking pangkain at napakabusilak ng kanyang kalooban.

11J-Y. Bandang Ala-una nang bumalik ako sa office at pagpapa-puncher ng mga sangkatutak na papeles ang pinag-ukulan ng oras. Mistulan akong utusan pagkat kung sino-sinong mga staff ang nag-uutos sa akin at hindi maiwasang mataranta pagkat nagkasabay-sabay. Sa ilang oras na pananatili ko roon, unti-unti nang nakikilala kung sino-sino sila't karamihan ay matagal na roon lalo na si Ma'am Rowena na aking boss na halos apat na dekada nang nagtatrabaho roon at nauna pa kay Papa. Pagsapit ng Alas-kwatro y medya, dismissal time na ng trabaho at unti-unti na silang nag-aalsabalutan. Nakakatuwa at magaan-gaan ang loob pagkat nairaos din ang first day of OJT ko at sana kayanin pa ang mga susunod pang araw hanggang sa matapos. Sa layo at inabot pa ng matinding traffic sa lansangan, ginabi na ko sa pag-uwi. Sa pagod at dahil maaga pa magigising bukas, hindi na ko nagpuyat pa sa kung ano-ano.         


January 25, 2018

Thursday

Year VI-025

11J-Z. Pangalawang araw ng aking Internship. Alas-kwatro pa lamang nang gisingin ako ni Papa. Sa takot na maulit ang nangyari kahapon na halos masiraan na ng tuktok sa yamot, inagahan ko sa pag-alis ng bahay. Kaagad naman akong nakahanap ng masasakyang bus at hindi pa punuan kaya may layang nakaupo. Kahit malausad pagong ang mga sasakyan lalong-lalo na sa España Boulevard, maaga pa ring nakarating sa Court of Appeals. Sa sobrang aga ko, sarado pa ang opisina nang aking nadatnan. Alas-otso pa nagbubukas ang lahat ng tanggapan sa opisina kaya hangga't hindi pa nagsisimula'y namasyal-masyal muna ako't tamang tambay. Habang nililibot ko ang kaloob-looban ng Court of Appeals ay sumagi muli sa aking isipan ang ala-ala pagala-gala ako nung bata pa sa tuwing nababagot at hindi natutukan nina Mama. Kung ikukumpara sa kasalukuyan, napakalaki na nga ng ipinagbago ng Court of Appeals at marami nang mga gusali ang nakatayo't may bagong kwarto na ngayon lamang napuntahan.

11K-A. Nami-miss ko rin ang mga kalaro roon na naninirahan sa mismong loob nito. Bandang Alas-otso nang pumasok na ko sa Personnel Division. Pagpa-file ng mga papeles sa bawat Documents ng mga Justice ang ipinagawa sa akin ni Ma'am Rowena at dahil pahirapan na mailagay ang papel pagkat siksik, liglig at umaapaw ang nilalaman ng bawat dokumento, naisipan munang alisin ang lahat sa Office box. Magkandapagod ako habang inaalis isa-isa ang mga dokumento ng bawat Justice at sa dami, iyon lamang ang pinag-ukulan ng panahon sa buong umaga. Maya-maya pa, sa wakas ay lunch break na at pagkalabas, saktong may nagra-rally sa may gate.

11K-B. Nakiusyoso muna ako't sinubaybayan ang isinasagawa nilang kilos-protesta para umapila sa korte na tulungan ang kababayang OFW na si Mary Jane Veloso na nahaharap sa Death row doon sa Indonesiana pababain ang kanyang sentensya. Kanina pa kumakalam ang aking sikmura kaya hindi ko na tinagalan pa ang pakikiusyoso. Bandang Ala-una na ko nakabalik ng office at pagpa-file pa rin ng papeles sa bawat dokumento ng mga Justice ang pinagkaabalahan. Isang oras din ang nakaraan nang sa wakas ay nai-file ko lahat at pag-i-input naman ng Salary sa bawat Service Card ng mga empleyado ang sunod na ipinagawa. Habang iyon ang inaasikaso, doon ko nalaman ang paraan ng pagpapasahod sa mga empleyado roon gaya ni Papa't nakakalito kaya maya't maya ang tanong ko kay Ma'am Rowena.

11K-C. Sa dami at dahil inabot na ng Dismissal Time, hindi ko na rin natapos pa. Natutuwa ako pagkat uwian nanaman at nakalipas muli ang isang araw ng OJT. Batid kong maiipit muli sa napakatinding traffic at baka gabihin kaya naisipan namg sumakay ng LRT para kaagad na makauwi. Sa dami ng mga pasahero, bukod sa tayuan ay siksikan na rin subalit hindi na baleng ganito kaysa mainip ka sa traffic. Dahil hanggang sa Roosevelt Station lamang ang operasyon ng LRT-1, kinailangan ko pang maglakad mula Roosevelt hanggang SM North EDSA.

11K-D. Pagkatungtong sa Terminal, anong haba ng pila't mukhang aabutin ng siyam-siyam bago makasakay ng Jeep. Mabilis nga ang way kapag sasakay ka ng LRT kumpara sa pampasaherong bus, hassle pa rin pagkat mahabang pila naman ang sasagupa sa'yo. Sa haba ng pila sa Jeep, naisipang sumakay na lamang sa UV Express kahit naghihingalo na ang pitaka. Saktong pahupa pa lamang ang liwanag nang makarating sa bahay. Sa layo ng biniyahe, gutom at pagod ang inabot ko kaya hindi na mapigilang magreklamo kina Mama. Hindi bale't saglit lamang ito, kapag natapos na ang OJT ko roon, matatapos na ang kalbaryong kinakaharap sa pang-araw-araw na pagpasok at pag-uwi. Sa ngayon ay kailangan ko munang magtiis. Maganda nga sa Court of Appeals pagkat isa iyong Government Offices at malaki ang pasahod subalit kung ganito parati ang kakaharapin sa pang-araw-araw, huwag na lang at marami pa namang iba.           


January 26, 2018

Friday
Year VI-026

11K-E. Bandang Alas-tres pa lamang ng madaling araw ako nagising subalit Alas-kwatro na napagpasyahang bumangon at nag-almusal. Gaya nitong mga nakalipas na araw, mahaba pa rin ang pila sa antayan ng Tricycle kaya medyo natagalan pa bago nakaalis ng tuluyan. Pagkatungtong ng Highway at dahil inabot na ng pagputok ng liwanag, hindi na mahulugang karayom ang dami ng mga pasahero. May nasakyan naman ako kaagad. Habang nasa Quiapo na ko, nagitla ang kalooban ko nang biglang nag-chat sa akin si Kim at sinabing tulungan ko raw si Myrrh sa pagpapapirma ng dokumento sa mga Professor na may kaugnayan sa Thesis. Nayamot ako pagkat kung kailan malapit na'y saka pa sila nagsabi na hanggang ngayon araw na lamang tatanggap si Sir Jigo ng manuscript ng Thesis na may kalakip ng pirma ng mga professor pagkat mag-i-issue na ito ng listahan ng mga candidate for graduation. Lubhang alanganin pagkat OJT ko ngayong araw, tapos sasabay pa ang pag-asikaso sa Thesis.

11K-F. Nung una'y nag-aalangan akong magtungo ng school para tulungan si Myrrh na mag-asikaso ng Thesis, sa kadahilanang may OJT ako't may kalayuan, kaso naawa naman ako pagkat mag-isa lamang siyang aasikaso pagkat nasa PAPJA si Kim at marami pa itong ginagawa kaya napagpasyahang huwag nang dumalo sa OJT para tulungan si Myrrh. Napaka-wrong timing nga naman ng mga kaganapan sa araw na ito't kung alam ko lamang magiging ganito, dili sana'y hindi na lamang ako tumuloy sa Court of Appeals para hindi sayang sa pamasahe at effort sa pagbiyahe, nakaka-hassle! Na-traffic pa pagdaan ng España kaya nag-uumapaw na ang Stress at pagkayamot habang nasa biyahe pabalik. Dahil kukulangin sa budget pampalimbag ng mga papeles sa Thesis at paggawa pa ng Cardboard at pampa-burn ng CD, dumaan pa ko sa bahay para manghingi ng pera.

11K-G. Maihahalintulad sa nagbabagang lava na ibinubuga ng Bulkang Mayon ang salita nina Mama at Papa nang ako'y manghingi't mukhang pahirapan ito subalit walang ginawa kundi magpaliwanag at kumbinsihin sila. Nauunawaan ko naman sila kung napapagod nang magbigay ng pera pagkat paulit-ulit, sa gastos ba naman ng Thesis subalit kailangan sa kagustuhang makapagtapos at nawa'y mapagpasensiyahan nila ako. Hindi naglaon ay binigyan naman ako nina Papa ng pera pang-ambag sa Cardboard at gastusin sa pagpapalimbag. Pagkatungtong ng School ay saktong naroroon na si Myrrh na aligaga sa paggawa ng Endorsement Letter para sa signature ng mga professor. Pagkagawa'y wala nang sinayang pang oras at daglian nang nagtungo sa Faculty room upang magpapirma. Nakapagpapirma naman kami sa ilang professor gaya nina Sir Juangco at Ma'am Laresma subalit pagdating sa head na si Sir Ronan, tumanggi itong magpapirma sa hindi malamang dahilan.

11K-H. Hindi ko mawari kung nagbibiro lamang ito o seryoso na. Mukhang nagbibiro naman ito kaya tahasang kinulit-kulit subalit nang mahalatang seryoso nga ito, saka lamang ako tumigil. Sinubukan kong magmakaawa subalit nagmatigas pa rin siya at sinabing kailangan pa namin may maipresinta sa kanya ng manuscript ng thesis. Nakaka-beast mood talaga itong si Sir Ronan at sa kanyang ginagawa, pinahihirapan niya kami, sarap ihulog sa nagbabagang bunganga ng bulkan ang kanyang pagmumukha! Habang hindi pa nilalagdaan ni Sir Ronan ang aming Endorsement Letter, hinagilap muna namim sina Ma'am Ria, Ma'am Joyce at lalong-lalo na si Sir Jigo. Nakakapagod at mukhang magkakasakit na rin pagkat makailang-ulit nang pabalik-balik para hagilapin sila. Kinalaunan, nang mamataan namin si Sir Jigo at Ma'am Ria. Wala nang ano-ano pang pinirmihan ni Sir Jigo ang aming Endorsement Letter subalit pagdating kay Ma'am Ria, kailangan talagang may maipakitang manuscript sa kanila.

11K-I. Nakaka-stress pagkat panibagong gastos muli para sa pagpapa-print. Labis na ang aming pagkahapo nang panahong iyon at nagugutom na rin subalit hindi iyon ang naging dahilan para tumigil. Pagkabalik namin sa library, saktong namataan namin si Nikki. Nag-aalangan sana akong lapitan siya at kausapin matapos ang hindi pagkakaintindihan sa mga bagay-bagay at nagkabangayan pa sa Social Media dulot ng hinanakit sa isa't isa subalit nilakasan ko ang loob na makiharap sa kanya. Wala naman naganap na komprontasyon o sagutan habang kami'y nag-uusap, sa katunayan ay naliwanagan pa ko habang siya'y naglalahad at nagsisisi pagkat naging bulag ang isip patungkol sa personal nitong pinagdadaanan dahil nagpanaig sa emosyon.

11K-J. Nang kapwa kaming napaliwanagan, saka lamang nag-atubiling magkaayos. Nagpapasalamat ako pagkat sa kabila ng hindi pagkakaintindihan, hindi naman tuluyang nasira ang aming pagkakaibigan. Saktong kaarawan pa ni Nikki kaya lalo pang sumaya ang samahan namin. Maya-maya pa'y nagpaalam na si Nikki sa amin pagkat may klase pa ito. Ang gaan sa pakiramdam kapag may tao kang pinapatawad. Nanatili pa kami ni Myrrh sa library hanggang Alas-kwatro ng hapon at saktong pahingalo na ang liwanang nang makarating sa bahay. Sa kabila na nakaranas ako ng pinagsamang hassle at stress dahil sa mga pangyayaring basta-basta na lamang dumarating, maituturing ko pa rin ang araw na ito na maginhawa at masaya pagkat nagawa kong makapagpatawad at makipag-ayos.      


January 27, 2018

Saturday

Year VI-027

11K-K. Sa wakas, dumating din ang pinakahihintay na araw, ang Sabado kaya may panahon upang makapagpahinga at gawin ang ibig. Sa sarap ng tulog, tinanghali na ko sa paggising. Wala naman akong pinagdadaanan o kinakaharap na problema subalit nakaramdam ng pagkalumbay pagkat maulan ang panahon. Sa pagbuhos ng ulan at animo'y nagluluksa ang kalangitan sa dilim, hindi mo maiwasan ang mag-isip ng bagay na nakakalungkot. Hindi ko maintindihan sa sarili kung bakit nakakaramdam ng lungkot tuwing umuulan. Dala lamang marahil ng kung ano-anong kahulugan na siyang kalakip sa salitang maulan ang humahampas sa isipan. Sa kabila na maulan ang panahon at nalulungkot, hindi naman napigilan ang mga balakin ngayong araw. Matapos mag-almusal, pagtitinda ang inatupag ko.

11K-L. Habang nagbabantay sa tindahan, itong si Mama, inuudyok ako na roon na rin sa Court of Appeals magtrabaho, sa kadahilanang iniisip nito na malaki ang tiyansang matanggap ako doon at tutulungan ni Papa na makapasok. Maganda naman doon sa Court of Appeals pagkat bukod sa malaki ang pasahod, may benipisyo pang natatanggap, iyon nga lang ay may kalayuan kasi mula sa amin, araw-araw pang sasagupain ang traffic at tuwing tag-ulan, maari pang ma-stranded dahil madalas bahain ang Maynila, maraming hassle ang kakaharapin ko kung sakaling doon magtatrabaho kaya hindi na nagdalawang isip pang tumanggi at sinabing maghahanap na lamang ng iba, na malapit sa amin.

11K-M. Panay ang pagpupumilit ni ina na doon ako magtrabaho subalit buo na ang aking loob. Internship pa lamang, nahihirapan na ko sa pagbiyahe, what more kung doon pa magtrabaho't hindi ko kakayanin ang araw-araw na kalbaryo tuwing babiyahe patungo roon. Ako ang namahala sa pagtitinda hanggang sa magtanghali. Dahil maghapong naging maulan ang panahon, hindi na itinuloy pa ang balak na magtungo sa School para magpapirma sa mga professor ng aming endorsement letter para thesis at mag-ambag ng bayad kay Myrrh para sa Cardboard. Ang sarap din matulog tuwing maulan ang panahon, ang resulta'y magtatakip-silim na nang magising. Kinagabihan at dahil medyo nababagot, paggawa ng Conversion Table ang pinagkaabalahan. Sa sobrang abala ko, hindi namamalayang ang pagpatak ng Hating-gabi. 


January 28, 2018

Sunday

Year VI-028

11K-N. Hating-gabi na subalit heto pa rin ako't aligaga sa paggawa ng Conversion Table gamit ang Microsoft Excel. Dakong Ala-una na ng madaling araw napagpasyahang matulog. Dahil inabot na ng madaling araw sa pagtulog, bandang Alas-otso na nagising. Pagkaalmusal, ipinagpatuloy ko ang aking libangan, ang paggawa ng Conversion Table. Sa una'y medyo nalilibang at aliw ako habang naglalatag ng formula sa bawat Cell ng Spreadsheet para mag-function oras na mag-insert ako ng quantity subalit nakakalito't duling, madalas pang magkaroon ng typo. Dahil pupunta pa ko sa bahay ni Myrrh upang iabot ang ambag sa Cardboard, pagsapit ng tanghali'y naghanda-handa na ko. Hindi pa man ako nakakarating sa kanilang bahay at saktong papababa pa lamang ng tricycle, nagkataong papaalis na sina Myrrh. Maigi na lamang at naabutan ko pa sila kaya nagkaroon ng pagkakataong makapag-ambag. Dahil may lakad sila ngayong araw, saglit lamang ang aming pagkikita. Wala pang balak umuwi kaya tumungo muna sa SM Fairview para magliwaliw sa pamamasyal.

11K-O. Nang makapamasyal at dahil linggo, naisipan kong magsimba sa Novaliches. Saktong hindi pa nagsisimula ang misa't ilang saglit pa'y nagkaroon ng seremonya. Patungkol sa tibay ng pananampalatay ang naging homiliya ni Father at habang ito'y nangangaral, hindi mapigilan ang matawa pagkat kakaiba ang intonasyon ng kanyang pananalita, maligalig at aakalaing nakikipagsagutan. Maganda sana ang topic, kaso marindi-rindi ako sa taas ng kanyang boses. Nang bigayan na ng ikapo, ibig ko sana ang magbigay, kaso nag-aalangan at baka kulangin na sa pamasahe. Kung kailan tapos na ang bigayan ng ikapo, bigla akong sinaniban ng konsensiya.

11K-P. Sa aking ginawa, parang walang tiwala sa kakayahan ng panginoon at patawarin niya nawa ako kung hindi nakapagbigay dahil sa takot na makulangan. Naniniwala ako sa biyaya at grasyang napapapasakamay anumang oras nang hindi inaasahan kapag nakakagawa ng kabutihan subalit nagduda ako, dahilan kung bakit hindi nakapagbigay. Iyan ang problema sa akin, palaging pinanghihinaan ng loob. Pagkauwi at dala ng pagod ay kaagad akong nagpahinga. Kinagabihan at dahil walang magawa, panonood muli ng telebisyon ang inatupag at pampalipas oras. Lunes nanaman pala kinabukasan at may pasok nanaman matapos ang nagdaang weekend kaya daglian nang natulog. Alas-dyis na, subalit namamayagpag pa rin ang kaingayan sa labas dulot ng mga tambay at tila hindi natitinag sa Curfew. Sa yamot, muntikan ko na silang sawayin kaso nagsialisan naman kinalaunan.   


January 29, 2018

Monday

Year VI-029

11K-Q. Dahil hindi tumunog ang alarma ng Cellphone, malapit nang pumatak ang Alas-singko nang magising. Mukhang mahuhuli na ko sa pagpasok at maiipit pa sa napakabigat na trapiko kaya kahit tinanghali na'y binilisan ko sa pagkilos. Gaya ng aking inaasahan at naranasan nitong mga nakalipas na araw, punuan muli ang mga bus kaya naging pahirapan muli sa pagsakay. Ang hirap nga naman ng dadanasin kapag inabutan ka ng rush hour at kailangan maging madiskarte at matiyaga sa pagsakay. Nakasakay naman ako kinalaunan, iyon nga lang ay halos malaspag na ng lagay pagkat bukod sa siksikan at apaw na apaw ang pasahero sa loob ng bus, gitgitan pa. Nagkahalo-halo rin ang amoy na aking nalalanghap. Kalbaryo man ang naging pagbiyahe, walang ginawa kundi magtiyaga. Pagdaan ng España, anong trapik muli't halos wala nang galawan. Alas-siete na't dakong Alas-otso nagsisimulang magbukas ang mga tanggapan kaya hindi maiwasang isipin na mahuhuli na.

11K-R. Ang inakalang mahuhuli, nagkakamali pagkat quarter to eight pa lamang nang nakatungtong sa Court of Appeals at magkandahapo sa layo at liksi ng lakad. Saktong naroroon na sina Ma'am Rowena at nagtataka lamang kung bakit unti-unti silang nagsisialisan. Iyon pala'y magkakaroon ng Flag Ceremony at sa kagustuhang makasubaybay, dumalo ako. Naging napaka-formal ng naganap na seremonya't halos mapuno na ang kabuuan ng Quadrangle sa dami ng mga empleyado. Matapos ang seremonya, may isang Justice ang nagsalita't may inanunsyo. Nang makapag-anunsyo ang mahistrado, saka lamang nagsibalikan sa kanya-kanyang mga opisina. Gaya ng mga nakalipas na araw, tanging pagse-zerox at file lamang ng mga papeles ang ipinagawa.

11K-S. Napakasimple subalit sa dami't masyado pang siksik, liglig at umaapaw ang laman ng bawat folder, nakakaubos ng enerhiya sa katawan at para bang nauupos na kandila habang inusuksok ang dapat isuksok sa bawat folder ng mga empleyado. Nakakapagod man, kailangan kong magtiyaga. Ilang sandali pa, sa wakas ay oras na upang mananghalian. Dahil hindi naman gasino karami ang dalang kwarta, sa halip na sa susyaling Canteen sa loob ng korte ay sa tabi-tabi na lamang naisipang kumain. Bandang Ala-una nang bumalik ako sa opisina, dahil wala naman ipinapagawa at para iwas pagkabagot, ipinagpatuloy ko ang paggawa ng Conversion Table.

11K-T. Bukod sa akin ay may nag-i-intern din at saktong nakilala naman sila. Puro galing sa bigatang eskwelahan pala ang mga kasamahang intern student nang makilala kaya nagkaroon ng kaunting Intimidation subalit nagawa pa rin makisama. Tigil lamang ang pakikipag-usap ko sa kanila nang may ipagawa sa akin sina Ma'am Rowena at Sir Edward. Bandang Alas-kwatro y medya nang sa wakas ay dismissal time na. Naging pahirapan pa rin ang pagsakay, tapos naipat pa sa napakibagat na trapiko mula España hanggang Commonwealth Avenue kaya ang resulta, inabot na ng Alas-otso ng gabi sa pag-uwi. Kung alam lamang ang dadanasing hirap araw at gabi, di na sana roon isinagawa ang Internship subalit naririto na't ang kailangan na lamang ay magtiyaga.   


January 30, 2018

Tuesday
Year VI-030

11K-U. Patuloy pa rin sumasakop sa aking mga mata ang pagkaantok subalit kailangan nang bumangon pagkat Alas-kwatro na ng umaga.Gaya nitong mga nakalipas na araw na pagpasok sa OJT, bukod sa pahirapan ang makahanap ng masasakyan dala na punuan, gitgitan at siksikan pa kapag nakasakay at nakakangalay ang pagtayo. Mga bandang Alas-siete na ako nakarating ng Court of Appeals at saktong naabutan ko pang nandoon si Papa. Dahil wala naman ipinapagawa sa akin sina Ma'am Rowena, sinamantala ang oras sa paggawa ng Conversion Table at pagbabasa. Ibig ko sanang makipagkwentuhan sa mga kasamahang intern student, kaso ang lalayo nila't nakakahiya naman sa aking boss kung dadayuhin pa sila roon. Bukod sa nababagot ng lagay ay hindi rin maiwasan ang mailang pagkat sa aming magkakasama sa office, ako lamang ang bukod tanging tahimik at walang makausap.

11K-V. Pagpatak ng tanghali at dahil wala halos silang pinapagawa sa akin at nababagot talaga, napagpasyahan nang mag-half day. Pumayag naman sila nang makapagpaalam. Sa halip na umuwi, naisipan kong magtungo sa Guidance Office ni Ma'am Paula sa Regalado upang magpasa ng Evaluation Sheet at mangamusta na rin sa kanya. Pagkarating, sa halip na si Ma'am Paula ay isang estudyante ang nadatnan ko't kagaya rin siya na intern student. Laking gulat ko nang ipabatid niya na naospital daw si Ma'am Paula, sa kadahilanang bigla raw nanakit ang tiyan nito. Ang simple naming pag-uusap, napasarap kaya napatagal pa ko ng Guidance Office. Kahit ngayon lamang kami nagkakilala, animoy mag-close na kung magturingan at usap sa isa't isa at siya si Siena na naging kaklase ko raw sa General Botany Subject.

11K-W. Sasaglit lamang ako sa Guidance Office pagkabigay ng Evaluation Sheet subalit dahil nalibang-libang makipagkwentuhan kay Siena, napatagal ako. Maya-maya'y naisipan ko naman puntahan si Sir Jansen. Habang papatungo'y saktong nakasalubong ito't papatungo rin siya sa office ni Ma'am Paula. Ibig ko na sanang umalis subalit dahil nakakatuwang kasama si Siena, sinamahan ko siya hanggang sa Guidance office ni Sir Jansen. Habang nasa office nito ay wala siyang ginawa kundi mag-interview sa aming dalawa't tila ba ibig nitong makipagkwentuhan kami sa kanya. Dahil matanong na nilalang si Sir Jansen, naging makwento na tuloy sa kanya. Kung ito'y magpayo, tila ba sumasailalim kami sa Counseling. Ilang sandali pa nang magpaalam na kami kay Sir Jansen at tumungo naman sa OLFU-Lagro.

11K-X. Pagkatungtong ng Main Guidance Office, saka lamang kami naghiwalay. Wala pang balak umuwi kaya naisipang magtungo sa library at doon magpalipas ng oras. Habang pumipihit ang yapak ay saktong namataan si Myrrh at magandang balita ang ibinungad nito sa akin pagkat sa wakas, matapos ang higit isang taon na pagpapakahirap, pagod at madalas ay sumasakit ang ulo, ganap nang natapos ang aming thesis. Walang ibang maramdaman kundi nag-uumapaw na ligaya sa loob at pakiwaring nasa alapaap ang pakiramdam pagkat nakaya naming lampasan lahat ng iyon dulot ng Major Thesis na bukod sa sakit ng ulo ng mga estudyante, magastos pa. Sa tuwa, parang ibig magsisigaw o lundag subalit pumipigil ang hiya. Dahil may ipinapagawa sa kanya si Sir Jigo, tinulungan ko itong mag-asikaso ng sangkaterbang paperworks ng thesis at maglista.

11K-Y. Habang aligaga kaming dalawa na halos hindi na magkandaugaga ang pagdating naman ni Kalvin at sa halip na tumulong, walang ginawa kundi daldalin kami't i-link pa kay Sir Jigo. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman nang gawin iyon ni Kalvin at sa halip na mainis, natutuwa pa ko. Marahil ay may pagtingin pa nga ako kay Sir Jigo kahit papaano, kahit sabihin nang isip na iba na ang nagpapatibok ng puso. Lalo pang sumipa ang hindi maipaliwanag na ligaya nang pumasok si Sir at lapitan kami. Dahil may klase pa si Myrrh, hindi na natapos pa ang pinapagawa ni Sir Jigo. Saktong pahingalo na ang liwanag nang makatungtong sa bahay at bukod sa masaya dahil natapos na ang Thesis, nasasabik din pagkat may outing kami bukas sa Bataan. Mga madaling araw kami tutulak doon kaya hindi na ko nagpuyat pa.           


January 31, 2018

Wednesday

Year VI-031

11K-Z. Gawa nang pagkasabik sa napipinto naming outing sa Bataan, hindi na halos makatulog. Bandang Ala-una nang sa di inaasahan ay biglang dumaing si Mama. Nakakaranas nanaman ito ng Stress pagkat hindi raw makatulog, dulot marahil ng pagkasabik. Napalitan ng pag-aalala ang pagkasabik at dahil parang natitimang muli si Mama na hindi malaman ang gagawin sa kanya, napagpasyahan na ng ate na huwag nang ituloy ang lakad namin. Hindi ko lamang maiwasang madismaya pagkat minsan lang ito mangyari sa buhay, naudlot pa't napaka-wrong timing ng pangyayari. Hindi man kami natuloy ngayon, umaasang darating pa ang bagay na mas higit pa riyan. Pagkadismaya ang siyang nagbigay antok sa akin. Nang magising, Alas-kwatro na pala. Medyo tinatamad talaga ako kaya napipigilang bumangon at gusto ay matulog na lamang, subalit hindi ako nagpanaig at dagliang nag-almusal.

11L-A. Pagkatungtong sa hintayan ng Tricycle, mistulang pila lamang sa MRT ang kaganapan pagkat napakahaba, ang tatagal pa dumating ng mga tricycle kaya inabot pa ng halos isang oras bago makasakay. Sa layo at naabutan pa ng traffic sa lansangan, tuluyan nang sumikat ang haring araw nang makatungtong ang nagkikinisang yapak sa Court of Appeals.  Dahil bisperas ng anibersaryo sa Court of Appeals, halos lahat ng mga empleyado, kundi nakasuot lamang ng T-shirt, abalang-abala sa paghahanda. Sa kabila na abala ang halos lahat sa kanila, tuloy pa rin ang operasyon ng trabaho. Wala pa rin ipinapagawa sa akin si Ma'am Rowena at para iwas tunganga't pagkabagot, nag-isip ako ng mapagkakaabalahan. Ilang sandali pa nang magsilabasan ang halos lahat ng mga empleyado kasama si Ma'am Rowena upang lumahok sa palaro. Biglang pumayapa ang buong opisina nang magsialisan sila't iilan lamang ang naiwan kasama kaming mga intern student, kaya ako muna ang sumasagot kapag may tumatawag.

11L-B. Sa una'y hindi mapigilan ang makaramdam ng tensyon sa tuwing kumikiriring ang telepono subalit nasasanay naman sa pagsagot kinalaunan. Muling umingay ang buong opisina nang magsibalikan ang mga empleyado't sa sobrang abala ko sa ginagawa, hindi namamalayang magtatanghali. Kanina pa tinitiis ang pagkalam ng Sikmura at gawa na wala naman pinagapagawa, kahit hindi pa nagsisikainan ang mga kasamahang staff, lumabas na ko para kumain. Mabuti pa nung sa TAHANAN ako nag-i-intern, kahit walang gaanong ginagawa, hindi naman nababagot pagkat may nakakausap at libangan pa. Nang makapagpanaghalian, naisipan ko munang maglibot-libot hanggang sa makarating ng Supreme Court. Ibig ko sanang libutin maging kaloob-looban niyon subalit baka masita ng mga awtoridad, lalo na't hindi taga-roon. Pagkabalik sa opisina, saktong nagsasalo-salo ang mga staff sa kainan at nahandugan pa ko. Sayang at di muna dapat ako kumain para iwas-gastos.

11L-C. Maya-maya pa, sa wakas ay binigyan na rin ako ni Ma'am Rowena ng mapagkakaabalahan. Kahit uwing-uwi na, hinintay ko pang sumapit ang Alas-kwatro y medya bago mapagpasyahang umalis. Dahil sumakay ng LRT sa halip na bus kahit siksikan, saktong pahingalo pa lamang ang liwanag nang makauwi. Kinagabihan at dahil once in a blue moon lamang mangyari sa kasaysayan ang sinasabing Super Blue Blood Moon, na kung saan nagkasabay-sabay ang tatlong phenomenon, Super Moon na kung kailan ang buwan ay napakalapit sa mundo kaya nagmumukhang mas malaki. Blue Moon na kung kailan nangyayari ang ikalawang Full Moon sa loob lamang ng isang buwan at Blood Moon o mas kilala na Lunar Eclipse na kung saan nagkukulay pula ang buwan dahil dumadaan ito sa anino ng Mundo at natatakpan ang sinag ng araw.


11L-D. Kada tatlong dekada nagaganap ang pinagsabay-sabay na phenomenon sa buwan kaya matiyagang sinusubaybayan ng milyon-milyong mga madla maging ako ang Super Blue Blood Moon. Bandang Alas-otso nang magsimulang magkaroon na parang uka sa kaliwang bahagi ng buwan at habang tumatagal, unti-unti ito na parang nawawala at nababalutan ng dilim. Alas-nuebe nang tuluyan na ngang maging pula na parang namantsahan ng dugo ang buwan, hudyat na nagaganap na ang Lunar Eclipse. Sa ganda ng buwan dahil sa taglay nitong kakaibang kulay, pamaya't maya ang aking sulyap at nakakamangha. Nakakamangha man, hindi ko lamang maiwasang mag-isip ng kung ano-ano. Kung anuman ang kahulugan ng nagaganap na Super Blue Blood Moon, nawa'y magagandang pangitain ang hatid nito, hindi kamalasan sa hinaharap. Pagsapit ng Alas-onse nang magbalik sa dating liwanag ang buwan, hudyat na natapos na ang Lunar Eclipse subalit nanatili pa rin itong malaki't bilog na bilog.