Lunes, Hulyo 31, 2017

55. July 2017 Journal (Day 1643-1673)

July 01, 2017
Saturday
Year V-182

10I-L. Ang bilis ng panahon, nangangalahati na pala tayo sa taon at nalagas nanaman ang kalendaryo. Maaga na kaya kaagad nang bumangon at nag-agahan. Dahil walang magawa, ipinagpatuloy ko ang pagsusulat ng nobela. Pagsapit ng Alas-onse nang ganap kong lisanin ang bahay para pumasok. Hindi pa nagsisimula ang aking klase kaya gumala-gala muna kami ni Nadia at tsikahang walang hanggan. Ilang sandali pa nang mamataan sina Sarlyn at pagsapit ng Ala-una, pumasok na kami ng silid. Wala pa si Ma'am Trisha kaya tuloy ang kwentuhan at asaran. Walang ginawa itong sina Kuya Ralph kundi asarin ako kay Jed kaya lalong kinikilig. Habang nag-aasaran ang biglang pagpasok nito, kinabahan tuloy ako. Mabuti na lamang, hindi nito narinig na siya ang pinag-uusapan namin at kahit may pinagsamahan kami ay nahihiya pa rin ako. Hindi pa sila nakuntento at pinaupo pa ko malapit sa kanya. Natigil ang batuhan ng asaran nang pumasok si Ma'am Trisha.

10I-m. Habang ito ay nagtuturo, isa-isa nanaman kaming pinagbasa at nang ako na't matapos, biglang napabuntong-hininga, tawanan tuloy silang lahat maging si Ma'am. Dadalawin ko ngayong araw ang aking pinsan na si Ate Anne na napabalitang may karamdaman kaya hindi na pumasok pa sa sumunod na klase para maagang makarating. Sa layo ng biyahe, bandang Alas-kwatro na nakarating ng Muzon, Bulacan at medyo naliligaw nanaman pagkat ang daming daanan na pasikot-sikot, kaya kahit nakakapagod ay nilibot pa rin ang buong sitio. Hindi naman nagtagal at natunton ko ang kinaroroonan ng bahay nina Ate Anne. Ang inakalang may karamdaman, nagkakamali pagkat nakakatayo siya at masigla. Sinabi nito na gumaling na raw. Bukod sa kanya, nandoon rin si Tita Angie at walang ginawa kundi magkamustahan at magpalitan ng mga kuro-kuro.

10I-n. Habang nanonood ng telebisyon sa kanila, nagimbal ang dibdib ko nang mapanood ang tampok na istorya sa Imbestigador ang brutal na pagpatay sa isang babae at mismong asawa pa nito ang pumatay. Hindi ko lang kinakaya pagkat nakaya ng lalaking patayin ang asawa ng karumaldumal at napakademonyo! Maigi na lamang, nakamit din ang hustisya at nakulong ito. Sa kanila na rin ako naghapunan kahit nahihiya at bandang Alas-otso na ng gabi nagpaalam. Malapit nang sumapit ang Alas-dyis nang makarating sa bahay at sa pagod ay agad nang natulog.        


July 02, 2017
Sunday
Year V-183

10I-o. Araw muli ng Linggo, araw muli para magsamba sa ating maykapal at maylalang ng sanlibutan. Sa sarap ng pagtulog, inabot na ng Alas-siete sa paggising. Pagkatapos mag-agahan at dahil walang magawa, pagtitinda ang inatupag ko. Walang gaanong bumibili kaya naisipan na rin isabay sa pagtitinda ang pagsusulat ng nobela. Sa halos buong umaga't bilang libangan na rin, pagtitinda lamang ang inatupag ko. Maya-maya pa at sa wakas, oras na para malamnan muli ang Tiyan na kanina pa humihilab sa gutom. Kinahapunan, nagbabadya muling bumuhos ang malakas na ulan. Dahil napapansin kong hindi ganong katindi ang takot na madarama kapag kumukulog at kumikidlat sa ibang lugar, hindi gaya kapag sa bahay lamang, kahit nagbabanta ang unos ay naisipan kong magtungo ng Computer Shop.

10I-p. Saktong pagkatungtong ko sa Shop, ang pagbuhos ng napakalakas na ulan at sinabayan pa nang nagtatalimang mga kidlat at malagranadang dagundong ng kulog. Pakiramdam ko na nasa ligtas na lugar kaya hindi ganon katindi ang takot at para malabanan ang takot, naisipan ko na lang manood ng Just For Laugh sa Youtube. Kabagan ako ng labis habang panay ang halakhak at hindi na naisip pa ang katabi. Wala pa ring humpay ang pagbuhos ng ulan pagkalabas ng Shop subalit hindi na gaya kanina ang matitinding pagkulog-kidlat.

10I-q. Bago umuwi, naisipan munang magpa-print. Kinagabihan, may mga batang magkambal ang natunghayan sa tampok na programa sa Kapuso Mo Jessica Soho ang magkadikit ang ulo. Parang kinurot ang loob ko nang makita kung paano sila mamuhay at napakahirap ng kalagayan. Balak na sanang isailalim sa operasyon nang sa ganon ay mapaghiwalay sila at matuldukan ang kalbaryo, kaso lubhang alanganin pagkat maaring mapahamak ang isa sa kanila. Sa huli, napagpasyahan na lamang ng mga Doktor na huwag na silang paghiwalayin. Nakakaawa subalit tiwala ako na tutulungan sila ng panginoon at makakayang lampasan ang lahat ng pagsubok.   


July 03, 2017
Monday
Year V-184

10I-r. Masarap pang humilata sa kama kahit umaga na at ganap nang sumikat ang haring-araw. Hinintay ko munang sumapit ang Alas-otso bago mapagpasyahang bumangon. Gaya ng mga nakalipas na araw kapag nababagot at walang kausap, pagbabantay sa tindahan at pagsusulat ng nobela ang napagkaabalahan. Nakakatuwa lamang sapagkat gumagana ng maayos ang utak ko kaya medyo napaparami ang sulat. Hindi lamang maiwasang maantala kapag may bumibili. Maganda rin ang nagsusulat dahil dito ay nahahasa ang iyong pag-iisip at mas lalo pang nalilinang ang 'yong skills. Sa sobrang abala sa pagtitinda, hindi namalayan ang pagsapit ng tanghaling tapat at oras na para mananghalian.

10I-s. Muling sumapit ang hapon kaya ang antok, muling namamayani at kahit hindi ko ibig ang mag-Siyesta, hindi napigilan ang aking sarili. Sa katakawan ko matulog, tatlong oras na pala ang nakakalipas nang ako ay magising. Madilim-dilim nanaman ang kalangitan at nagbabadya ang pagbuhos ng ulan kaya ang takot, muling naghahari sa napipinto muling pagkulog at pagkidlat. Hindi naman naganap ang pinangangambahan ko. Wala talagang magawa at para iwas-pagkabagot, nanood na lamang ng Telebisyon hanggang gabi. Bago ihimlay ang sarili sa kamang kay tigas pero komportable naman, ipinagpatuloy ang pagsusulat ng kwento at pagbabasa na rin. Bandang Alas-onse na nang maisipang matulog.     


July 04, 2017
Tuesday
Year V-185


10I-t. Martes na pala subalit pakiwaring Lunes pa lamang dahil ngayon ang unang araw ng pasok para sa Linggong ito. Bago pumasok at dahil mamayang hapon pa naman ang simula ng klase, nagtinda-tinda muna ako. Bandang Alas-onse at dahil sabik na, napagpasyahan nang pumasok sa paaralan. Habang naghihintay ng oras, sinamantala ang pagkakataon para tapusin ang report sa Clinical Psychology. Bandang Ala-una nang pumasok na ko ng silid. Sa oras ng Clinical Psychology, class reporting pa rin at habang may idinadagdag si Sir Juangco, hindi mapigilan ang magtawanan pagkat panay siya sa pagbibiro. Kahit seryoso magsalita at nakakaantok din minsan, sumasaya ang klase kapag siya ang professor at daming natutuhan sa kanya. Social Psychology ang sumunod na subject ng mga Dash 3. Medyo nakakahiya naman kay Ma'am Joyce kung makiki-sit-in muli ako kaya umalis na.

10I-u. Matagal-tagal ito pagkat tatlong oras ang hihintayin bago ang sumunod na klase, nagtungo na lamang ng library at doon tumambay. Habang Vacant time, nagsulat muli ng nobela bilang libangan. Walang ginawa sa loob ng tatlong oras kundi iyon at marami-rami na ring naisusulat. Sa oras ng Psychological Research, nagbigay lamang ng Schedule si Sir Jigo at matapos ang kanyang announcement, nag-usap-usap kami magkakagrupo. Laking tuwa lamang pagkat kahit umalis ang isang kapangkat na si Lexlie, nagkaroon naman kami ng panibagong kagrupo at siya si Myrrh. Mukhang mapapadali ang paggawa ng Thesis dahil lubhang matalino ito at mahusay magsalita. Hindi pa man sumasapit ang Dismissal time, pinalabas na kami ni Sir Jigo. Sa tindi ng gutom, diretso lamon ako pagdating ng bahay. Hindi pa dinadapuan ng antok kaya pagsusulat muli ng kwento ang inatupag at sa sipag kong ito, halos abutin na ng hating-gabi bago mapagpasyahang matulog.         


July 05, 2017
Wednesday

Year V-186

10I-v. Masaya ako dahil wala muling pasok sa araw na ito. Saktong mataas na ang sikat ng haring araw ako nagising at pagkabangon at lantak ng agahan, diretso sa pagtitinda. Medyo nakakabagot kung mananatili lamang sa bahay kaya pagpatak ng Alas-dyis, naisipang magtungo ng School, upang magsauli na rin ng libro. Sa hindi inaasahan at habang papasok ng gate ay hinarang ako ng gwardiya at hindi pinayagang papasukin dahil lamang sa ako ay nakasibilyan at sandals. Buong loob akong nakiusap subalit sadyang matigas ito hanggang sa may makita akong lalaki na gaya ko ang pinapasok niya. Nakaramdam ako ng hindi pantay na pagtrato kaya tahasang kinuwestiyon ang gwardiya. Nagpaliwanag naman ito at ipinabasa ang Hand book na nagpapatunay na prohibited ang aking kasuotan. Panay hingi ako ng paumanhin at nakiusap pa rin hanggang sa lumabas ang head of guard at walang hiya ba naman akong pinagtaasan ng boses.

10I-w. Lalo pang nadagdagan ang pagkayamot ko kaya lakas-loob na nakipagsagutan sa kanya. Tama si Nikki, sadyang matapang at maangas ang gwardiyang iyon kaya nang maalala ko ang ginawa sa kanya, lalo akong nag-init sa galit at ipinakitang hindi ako basta-basta. Kinalaunan ay hindi na ko nagpumilit pa para hindi na lumaki ang gulo at umalis na may pagkabuwisit pagkat nasigawan, akala kasi kung sino makapagsalita at dapat sa ganong klaseng gwardiya na hindi maayos ang pakikitungo, sinisibak sa serbisyo! Wala pang balak ang isipan na umuwi kaya naisipan kong magtungo kina Nikki doon sa Bulacan. Bago magtungo sa kanila, dumako muna ako ng Starmall para hintayin si Nadia.

10I-x. Lagpas Alas-dos na nang makarating ito at magkita kami at dagliang nagtungo sa kanila. Pagtungtong ng Sapang Palay, napunta sa wala ang aming pagpunta pagkat nasa school na raw ito sabi ng nanay ni Nikki. Nanghihinayang ako pagkat hindi natuloy ang bonding naming tatlong magkakaibigan. Bumalik kami ni Nadia sa School at kahit kasama ko ito maging ang kanyang kaibigan na si Grace, ganon pa rin at hindo pinayagang papasukin ng Gwardiya. Sumapit na nun ang Alas-kwatro kaya napagpasyahang umuwi na. Pagkauwi ay saktong nagbabanta muli ang Thunderstorm kaya heto nanaman sa pagtatago na parang nasa panganib ang buhay. Kinagabihan, pagsusulat ng kwento ang inatupag ko. Hindi pa makatulog kaya nilibang muna ang sarili sa paglalaro ng Everwing, nauusong laro sa panahong ito at para siyang droga dahil nakakaadik. Hindi baleng maadik sa online games, huwag lang sa online gambling at illegal drugs.     


July 06, 2017
Thursday

Year V-187

10I-y. Huwebes at inabot nanaman ng pagsikat ng araw sa paggising dulot ng masarap na tulog. Bandang Alas-dyis nang magtungo ako sa school at habang papalapit ang yapak sa Gate kung saan naroroon ang nakasagutang gwardiya kahapon, pakabog nang pakabog ang kaba sa dibdib at iniisip na baka tarayan muli oras na magkita kami subalit hindi naman iyon naganap pagkat ibang gwardiya ang naroroon, mabuti naman at mabait pa. Sana sila na lamang ang nagbantay kahapon, tiyak na papasukin ako kahit nakapangbahay pa. Bukas na ang report namin para sa Clinical Psychology kaya habang hindi pa nagsisimula ang klase, nagrepaso ako at naghanda-handa ng sasabihin. Habang abala sa pag-aaral ang pagdating naman nina Sarlyn, naantala na tuloy ang pagrerepaso dahil sa kanila subalit ayos lamang sapagkat nakakatuwa at masaya silang kasama at kausap.

10I-z. Pagsapit ng Ala-una, tumungo na kami ng silid. Wala pa si Ma'am Trisha kaya tuloy ang kanya-kanyang kwentuhan at gawain. Biglang napawi ang ingay na bumabalot sa silid nang pumasok si Ma'am at nagturo. Tungkol sa Disorders at DSM's ang itinuro niya. Medyo interesting at Forte ko pa dahil I know na kakaiba ako kaya madaling ko siyang nakoko-cope up. Biglang sumigla ang kaninang matamlay at seryosong klase nang magbiro si Ma'am Trisha at ako pa ang napili nitong idawit sa kalokohan kaya mistulang payaso sa klase, hindi siya. Maya-maya at sa hindi inaasahan, bigla akong inatasan ni Ma'am na gumawa ng Group sa Facebook para sa Subject at pinapunta niya pa ko sa may pisara para i-endorse ang Facebook name at inudyok ang mga kaklase na i-add ako as Friend.

10j-A. Grabe at sobrang overwhelm ko nanaman ng mga oras na iyon at dadami ang friends ko nito dahil sa kanya. Bukod pa doon ay si Ma'am pa ang magiging tulay para i-accept ng taong pinipintig ng Puso subalit hindi ako umaasa dahil may choice siya. Education 2 ang sumunod na asignatura. Nagkaroon kami ng activity at iyon ay kukuhain mo ng Family Background ang 'yong ka-partner. Si Joan ang naging katuwang ko at nang matapos, isa-isa kaming tinawag ni Ma'am Risil para i-recite ang Family background ng ka-partner at habang isinasagawa iyon, dami naming halakhak.

10j-b. Maaga kaming pinalabas ni Ma'am kahit hindi pa dismissal time. Habang vacant time, kasama muli sina Nikki at Nadia ay kumain muna kami. Napasarap ang kwentuhan habang kumakain kaya hindi namamalayan ang oras at kailangan nang pumasok. Saktong naroroon na si Ma'am Trisha pagkatungtong ng silid subalit hindi pa ito nagtuturo at nakaupo lamang. Ilang sandali pa nang magsimula siyang magturo't panay ito sa pagpapatawa kaya mistulan nang comedy ang buong klase. Maya-maya pa, uwian ko na rin subalit wala pang balak kaya tumungo muna ng Computer shop. Ganap ng lumagom ang gabi nang makatungtong sa sariling tahanan. Bukas na pala ang aming pag-uulat kaya nagrepaso ako at naghanda-handa. Bago pa man lumalim ang gabi, natulog na ko.          


July 07, 2017
Friday
Year V-188

10j-c. Inabot nanaman ng liwanag sa paggising at bandang Alas-dyis naisipang magtungo sa unibersidad. Napakatrapik sa lansangan kaya malapit nang magtanghaling tapat ako makatungtong doon. Saktong namataan ko si Nikki kaya sa halip na mag-aral, nakipagtsikahan na lamang sa kanya ng walang hanggan. Bandang Ala-una nang pumasok kami ng silid at habang papalapit ang oras ng pagsisimula ng klase sa Clinical Psychology ay pasidhi nang pasidhi ang kaba sa dibdib. Sumapit na ang oras ng Clinical Psychology, hindi pa rin dumarating si Sir Juangco kaya umaasang hindi matutuloy subalit nagkamali ako at nagsimula na ang pag-uulat nang dumating ito. Sina Janet at Kim muna ang nag-ulat, lalong kinabahan ang dibdib pagkat ang huhusay nila mag-ulat at gamay na gamay. Nang ako na, hindi ko mawari kung bakit sila naghihiyawan kaya bukod sa kaba, napi-pressure na rin ako. Kinakabahan man ay lakas-loob pa ring nagsalita at habang nag-uulat, pinutakti na nang sangkatutak na katanungan. Nasagot ko naman yung iba pero pagdating kay Kalvin, hindi nito makuhang makuntento sa paliwanag ko hanggang sa mapansin na nangti-trip na ito at parang balak na niya kong pahiyain.

10j-d. Nawala na ko sa sasabihin tuloy at ang kaninang seryosong pag-uulat, nauwi na sa tawanan, mistulan nang comedy show ang buong silid. Masaya ako dahil napatawa ko sila subalit nayayamot kay Kalvin pagkat pinahiya niya ko. Sumusobra na talaga ang baklang iyon at hindi na natutuwa pa sa kanya kaya balak itong sabunutan at sampalin ng kaliwa't kanan matapos mag-ulat dulot ng yamot subalit pasalamat na lamang siya dahil nagawa kong makapagpigil. Hindi ko maintindihan kung bakit sadyang makapal ang mukha at kulang sa breeding ang Kalvin na iyon. Vacant time ko na kaya pinuntahan si Nadia sa library. Hinintay muna namin matapos ang klase ni Nikki at nang lumabas na ito, tumungo kami sa isang bagong gawang restaurant para kumain.

10j-e. Nakakatuwa dahil ang may-ari, mas bata pa sa amin at English ang kanyang pananalita kaya natatawa na lamang ang mga Customer kapag hihingan niya ito ng order. Jehmie ang pakilala niya sa amin, Half Filipino-Japanese subalit sa Amerika ito lumaki kaya pure English siya. Sa una, halos ma-nosebleed na habang kausap ito at kakwentuhan pagkat nahihirapan pero kinalaunan ay nakapag-English din ng maayos. Panay ang tawanan habang kakwentuhan si Jehmie at maya-maya pa, umalis na kami. Kahit nakakatakot kausapin ang mga banyaga dahil sa iba ang wika nila, nakakatuwa naman kapag nakilala mo sila. Pagkapasok ng silid, nandoon na ang karamihan sa mga kamag-aral maging si Sir Jigo. Sa oras ng Psychological Research, inasikaso lang namin ang pag-e-edit at revised ng Thesis.

10j-f. Anong ingay sa loob ng silid kaya hindi kami makapag-concentrate at maya-maya, itong si Erick (Pascual) na walang magawa sa buhay, ako ang napagkatuwaan. Wala rin akong magawa sa buhay kaya kahit isa siya sa mga taong kinayayamutan, nakipaglokohan din sa kanya. Ang ingay tuloy namin at hiyawan na may kasamang tilian ang mga nakasaksi. Si Sir Jigo na imbes sawayin kaming dalawa, nakisawsaw pa at kinumbinsi pa ko na sagutin ko na raw siya. Nagtawang loka-loka na lamang nang sabihin iyon sa akin ni Sir. Wala na kong nararamdaman sa kanya pero bakit natutuwa ang puso sa tuwing napapansin at kinakausap niya. Dahil gabi na ang uwian, malapit nang sumapit ang Alas-nuebe nang makarating sa bahay. Medyo pagod na ko sa maghapong subsob sa pag-aaral, tapos napahiya pa nung report kaya diretso tulog na.       


July 08, 2017
Saturday
Year V-189

10j-g. Sabado na pala subalit may pasok pa rin ng ganitong araw. Maaga akong pumasok at pagkatungtong sa Unibersidad, diretso tungo ako ng library at sinamantala ang oras para gawin ang assignment sa Education 2. Sa sobrang abala ko at dahil nasarapan sa pagsulat, hindi namamalayang Alas-onse na. Nang matapos ko ang takdang-aralin, nagtungo ako kung saan nagklaklase sina Nikki at Sarlyn at hinintay. Ilang sandali pa nang lumabas sila, kasama rin si Mara. Kakain sana kami magkakaibigan kaso naudlot pagkat nakiusap sina Abella na magbantay sa aming booth. Wala naman akong klase at bilang libangan na rin at experience, pumayag ako at nagbantay. Inakala ko na magbabantay lamang, nagkakamali pagkat i-explain ko sa mga dumarating na Senior High ang parts of the brain maging skin. Mapapasabak ako sa explanation nang wala sa oras at hindi nakapaghanda.

10j-h. Matagal-tagal na napag-aralan ang parts of the brain, ang kaso sa tagal ng panahon, nakaligtaan na kaya halos nga-nga ako habang kaharap ang mga Senior high subalit nagsalita pa rin at sinabi kung ano ang nalalaman. Sa dami ng kanilang katanungan, mukhang hindi na kinaya ng powers namin, mabuti na lamang at dumating si Sir Astrid at siya na ang nagpaliwanag at sumalo sa kanilang mga sangkatutak na katanungan. Oras ang ibinilang ko bago bumalik sina Abella. May klase pa ko kaya nagpaalam na sa kanila. Kung kailan nasa loob na ng silid, laking tawa sa sarili pagkat ibang bag ang nadampot, bumalik pa tuloy ng booth at totoo ngang hindi nadala ang sariling bag.

10j-i. Tatlumpung minuto na ang nakakaraan nang magsimula ang klase, subalit wala pa rin si Ma’am Trisha, hanggang sa maalala ko na mawawala ito sa Sabado, kaagad kong sinabi sa kanila na walang klase. Kasama ang dalawa kong mga kaibigan, kumain muna kami. Saktong naroroon si Jed sa may booth at nagbabantay kaya gusto kong magbantay ulit, kaso ayaw kong makantiyawan nina Sarlyn. Kapansinpansin dumami ang mga Senior high na tumungo sa aming booth nang siya ang magbantay, paano'y pang-akit ang hitsura. Yung iba, nakuha pang magpa-picture sa kanya. Nang magtungo sina Sarlyn at Nikki sa palikuran, saka lang nagkaroon ng lakas ng loob na magtungo ng booth.

10j-j. Habang naroroon, panay titig sa kanya at hindi mapigil ang loob na kiligin. Kami naman ni Jona Vee na kapwa may gusto sa kanya, siya ang laman ng usapan sa tuwing kausap nito ang mga Senior high at nakikita ko ang sarili sa mukha ni Jona Vee pagkat namumula. Ayos lang naman kung maging sila, dahil paghanga lang ako, siya mahal na. Nang umalis si Jed, umalis na rin ako ng booth pagkat may klase pa. Sa oras ng Education 2, nagpangkat-pangkat kami. Saktong kina Kathleen ako napabilang at pagbuo ng Words sa pamamagitan ng mga letrang ibinigay ang naging activity namin. Hindi naging madali ang laro pagkat kailangan magamit lahat ng letters at wala dapat matitira. Halos mangamote ang mga isipan habang bumubuo kami pero kinalaunan, nabuo namin ang mga hinihinging Words at pangkat pa namin ang nauna, ang saya-saya.

10j-k. May pinagawa pa sa amin si Ma'am Risil at pagkatapos, dismissal time na. Walang klase sa Physio Psychology pagkat may pinuntahan si Ma'am Trisha kaya sumama na lamang ako kina Nadia para kumain. Sa Restaurant ni Jehmie namin naisipang kumain at saktong naroroon ito na abala sa pag-asikaso ng mga Customer. Ilang sandali, bigla niya kaming nilapitan at nakipag-usap. Mapapasabak muli ako sa pagsasalita ng English subalit sinubukan ko pa rin at kinaya naman, iyon nga lang ay dinudugo nang husto habang kausap siya. Maya-maya pa, nagpaalam na kami sa kanya at nakakatuwang kausap. Sa sobrang trapik sa kalsada, inabot na ng gabi sa pag-uwi. Matapos maghapunan at dahil walang magawa, pagsusulat ng nobela ang inatupag. Bandang Alas-onse nang mapagpasyahan kong matulog.    

July 09, 2017

Sunday
Year V-190

10J-L. Hindi naging maganda ang gising ko ngayong umaga dahil muling inaatake ng sipon. Kahit medyo sinisipon, hindi naman iyon naging hadlang para itigil ang nais gawin. Nang makapag-agahan, pagtitinda ang aking inatupag. Saglit lamang ako sa pagbabantay sa tindahan at dahil walang magawa, heto muli ako sa pagsusulat ng nobela. Napakasama talaga ng pakiramdam ko at mukhang magkakasakit kaya nawalan na ng gana sa pagsusulat at para akong nanghihina ngayon. Kahit nanamlay, nagawa pa ring kumain. Matapos ay nagpahinga muna ako para manumbalik ang dating lakas. Pagkagising, patuloy pa ring sinisipon at maya't maya ang pagbahing, mukhang magkakasakit na talaga ako. Dahil hindi kagandahan ang timpla, walang ginawa sa maghapon kundi magpahinga't magpalakas. Katamad bumangon at gusto parating nakahiga subalit lalo pa kong nanghihina kaya sinubukan pa ring bumangon sa kabila na nanamlay at umupo. Kinagabihan, bahagyang umigi ang pakiramdam ko subalit hindi gaanong nagkikilos-kilos. Walang magawa kaya nilibang na lamang ang sarili sa panonood ng telebisyon. Medyo may kasamaam pa rin ang pakiramdam kaya hindi na nagawa pang magpuyat.


July 10, 2017

Monday
Year V-191

10J-M. Ang sarap pang humilata ng lagay sa kama subalit umaga na't sumikat na rin ang haring araw, kaya kailangan nang bumangon. Hindi gaya ng kahapon ang masamang pakiramdam at nawa'y magpatuloy ang pagbuti nang sa ganon ay hindi muli mauwi sa gastos at pagliban sa klase. Walang magawa kaya pagtitinda muli ang naging pampalipas oras ko. Nakakairita lang pagbentahan ang mga bumibili ng Sigarilyo pagkat nakikita ko, grabe sila makahithit buga at walang pakundangan maging sa mga dumadaan at makakalanghap nito. Dapat, i-totally ban na ang paggamit ng Sigarilyo, hindi lamang sa public places pagkat wala iyon magandang idudulot sa katawan maging sa kalikasan at para lamang gumagamit ng droga. Medyo nag-enjoy naman ako sa pagtitinda kahit nakaupo lamang kaya nagtagal.

10J-N. Sumunod na aking inatupag, paglilinis sa loob ng bahay at kahit sinisipon pa, sige pa rin sa pagwawalis. Sumapit nanaman ang hapon kaya tinamaan muli ng pagkaantok. Walang magawa kaya nag-siyesta na lamang at bandang Alas-tres na nagising. Matapos magmeryenda, pamamalantsa naman ang inatupag ko at paglalagay na rin ng punda ng mga unan. Kinagabihan, pakikipagtiktikan sa mga kaibigan ang inatupag at sa sarap nilang kahuntahan, hindi namamalayang lumalalim na ang gabi. Gustuhin pa man makipag-chat sa kanila, kaso naubusan na ng baterya ang phone maging ako na aantok-antok na.


July 11, 2017

Tuesday
Year V-192

10J-O. Bandang Alas-sais na ko nagising subalit Alas-otso na napagpasyahang bumangon. Gaya ng mga nakalipas na araw, pagtitinda ang aking inatupag. Balak sanang isabay ang oras na iyon sa pagsusulat ng nobela, kaso tinatamad ako. Tinatamad din pumasok subalit nagtungo pa rin ako ng school. Bandang Alas-onse na ko nakarating ng paaralan. May sama pa ng loob kay Kalvin at ayaw mo muna siya makita matapos ang ginawa nito sa akin, kaya napagpasyahan huwag nang pasukan ang klase sa Clinical Psychology. Tumambay na lamang ako at maya-maya, nagkita kami ni Nadia. Nalibang nanaman ang mga oras ko dahil non-stop kami sa tsikahan. May klase ito mamayang Alas-tres ng Cognitive Psychology kaya binabalak nang maki-sit-in. Si Sir Barrion daw ang professor sabi ng mga kamag-aral nito kaya nawalan na ng ganang maki-sit-in at saktong may pagsusulit pa sila ngayon. Tuloy ang kwentuhan namin ni Nadia kasama ang mga kamag-aral nito na kakilala ko habang hindi pa dumarating si Sir.

10J-P. Isang oras na ang nakakaraan magmula nang sumapit ang itinakdang oras ng pagsisimula ng klase, wala pa rin si Sir Barrion kaya todo udyok na ko kay Nadia na umalis na subalit mas pinili niyang maghintay. Tatlumpung minuto na lamang bago ang dismissal time, nagitla kami nang biglang dumating si Sir Barrion. Hinintay ko munang matapos ang klase nila, mabuti na lamang at may kasama ako at saktong kaklase ito sa Psychological Research kaya hindi naman nabagot pagkat may kakwentuhan at siya si Vanessa. Halos mag-iisang oras na, hindi pa rin sila lumalabas kaya kating-kati na ang mga paang umalis. Nang lumabas sina Nadia, kaagad kaming dumako sa kabilang gusali. Laking tuwa nang ipabatid ng aking kaklase na walang klase sa Psychological Research.

10J-Q.  Pambihira, pumasok pa ko, wala naman napala subalit natutuwa ako at sa tuwa, hindi ko napigilan ang sariling maglulundag-lundag at wala nang pakialam sa sasabihin ng nakakakita. Sa halip na umuwi na at kasama na rin si Nikki, naisipan pa namin magtungo sa restaurant ni Jehmie. Saktong wala siya, kaya maginhawa ang loob ko subalit nang dumating ito, mapapasabak nanaman sa inglesan. Nakakahiya naman kung nilapitan niya kami tapos hindi iimikan kaya labag man sa kalooban, nakipagtalastalasan pa rin ako sa kanya in English. Naiinis ako sa dalawang kasama pagkat hirap na hirap akong makipag-usap sa kanya, sila ay tawanan lang at hindi man lang mag-effort na kausapin siya.

10J-R. Kaya ko naman kaya go lang sa pakikipag-usap sa kanya kahit nosebleed na. Kinalaunan, may isang ale ang nagtanong kung sino siya hanggang sa mag-usap na sila. Galing din nito magsalita ng English pagkat dati pala siyang Teacher. Hinayaan ko muna silang mag-usap dalawa nang makapagpahinga naman ako. Josephine ang pakilala niya sa amin at nagtatatrabaho ito bilang social worker sa DSWD. Napakabait nito at very friendly pa kaya kaagad na napalapit ang loob namin sa kanya kahit kakakilala lamang at sana dumating pa ang pagkakataong magkita pa kami. Matapos ang higit isang oras na pakikipagbalitaktakan kay Jehmie, nagpaalam na kami sa kanya. Dahil napasarap ang kwentuhan kay Foreigner boy, ginabi na sa pag-uwi.             


July 12, 2017

Wednesday

Year V-193

10J-S. Umaga nanaman pala at sumikat na rin ang araw kaya kailangan muling bumangon kahit tinatamad. Matapos mag-almusal at dahil wala namang gagawin, pagtitinda muli ang inatupag ko. Wala rin akong pasok ngayong araw at nakakabagot ang manatili sa bahay pagkat walang kahuntahan, naisipan ko na lang magtungo sa School. Sa library ko dapat balak manatili, kaso punuan na, sa Lobby na lamang nanatili at sinamantala ang oras sa pagsusulat ng kwento. Nalibang ako sa pagsusulat kaya hindi namamalayang tanghali na. Namimipi na rin ang sikmura ko sa gutom kaya kumain na. Pauwi na dapat ako nang bigla kaming magkita ni Nadia.

10J-T. Dahil magkaibigan at malapit ang loob sa isa't isa, palitan kami ng kuro-kuro at minsan ay tawanan. Kung sino pa yung hindi ko kapamilya, sila pa yung masarap kakwentuhan at nailalahad ang gustong sabihin. Masarap din ang may kakwentuhan dahil bukod sa hindi napapanis ang laway mo, nasasanay ang iyong sarili na makipagkapwa-tao. Hindi muna ako umuwi at hinintay ang pagdating ni Nikki. Sumapit na ang Alas-tres at dulot na rin ng pagkainip, hindi ko na rin ito nahintay at umuwi na lamang. Diretso tulog ako pagdating ng bahay at pagabi na nang nagising.     


July 13, 2017

Thursday
Year V-194

10J-U. Sa sarap ng tulog ko at ganda ng panaginip dahil patungkol sa kanya, Alas-nuebe na pala nang magising. Pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko at pagsapit ng Alas-onse, tumungo na ko ng School. Sa hindi inaasahan, naipit ako sa napakabigat na trapiko at dinaig pa ang pagong sa bagal kaya halos mairita at mayamot na ko ng lagay. Dahil sa trapik dulot ng itinatayong MRT 7, Ala-una na nakatungtong sa paaralan at kamalas-malasan nga naman pagkat inabutan ng malakas na ulan. Kahit nakapayong kung malakas, basaan pa ring nakapasok ng silid. Ilang minuto na ang nakakaraan, tila hindi kami nadadagdagan at wala pa ang karamihan sa kamag-aral kaya hinalang nasa Auditorium ang iba dahil sa gaganaping Meeting de Avance ng mga kumakandidato para sa Psych officers. Naisip namin magtungo roon at hindi nga nagkamali, nandoon ang karamihan sa kanila subalit saktong hindi pa nagsisimula ang Meeting de Avance. Walang magawa at para tanggal bagot, nakipagkwentuhan muna kina Mara. Nang kalagitnaan ng aming pag-uusap, umaliwalas at nagkakulay ang bawat sandali nang masilayan si Crushie. Bukod sa nasilayan, bumibilis ang tibok ng puso't parang hindi alam ang gagawin nang lumapit pa ito. Iyon pala'y nagpapalista siya sa akin ng attendance.

10J-V. Itong si Mara, panay pangangantiyaw sa akin at para bang kinukurot sa kilig ang dibdib ko kapag ginagawa niya iyon. Pinilit pa niya kong makipag-picture sa kanya, mabuti na lang, pumayag ito kaya nag-uumapaw sa kaligayahan ang araw ko. Ilang sandali pa nang magsimula ang Meeting de Avance na pinangunahan muli nina Sir Astrid at isa-isang ipinakilala ang mga tatakbo. Nang maipakilala ang lahat, isa-isa naman silang nagsalita at sa nakita ko sa mga nauna, halatang kabado pero nang kalaunan na, doon na bigay na bigay-todo sa pagsasalita hanggang sa dumating sa President at tagisan ang magkalabang partido sa speech at paglalahad ng kanya-kanyang plataporma kaya umaatikabo ang kalaban at palaisipan na sa akin kung sino sa kanila ang iboboto. Umalis na kami nang matapos magsalita lahat ng kumakandidato.

10J-W. Saktong napakalakas ng buhos ng ulan nang lumabas kami at dahil excuse na sa mga susunod pang klase dulot ng Meeting de Avance, gusto ko na sanang umuwi, kaso pinilit pa nina Nadia na kumain. Labag man sa kalooban ay sumama pa rin sa kanila bilang pakikisama subalit gusto ko na talagang umuwi at kating-kati na kaya hindi na nagpapigil pa sa dalawa. Sa lakas ng ulan, bumabaha na sa lansangan na siyang nagdulot ng trapik kaya abutin halos ng siyam-siyam bago tuluyang makauwi. Kinagabihan at dala na hindi pa makatulog, naisipang magbasa-basa bilang libangan at pampaantok na rin. Nang dapuan ng antok, saka ko lamang inihimlay ang sarili sa matigas subalit komportableng kama.          


July 14, 2017

Friday
Year V-195

10J-X. Umaga nanaman pala kaya kahit mugto pa sa antok ang mga Mata, kailangan nang idilat ng maigi at bumangon. Mamayang hapon pa ang klase ko kaya nagtinda muna ako. Pagpatak ng Alas-dyis, napagpasyahan ko nang umalis ng bahay. Medyo nagugutom na ng lagay kaya pagdating ng School, diretso tungo ng Canteen para lumamon. Hindi naman ako naging mapag-isa habang kumakain pagkat naroroon si Jep. May hitsura ito, kahit papaano kaya sobrang overwhelm ako sa mga pahirit niya at magaling makipaglokohan. Wala akong feelings sa kanya subalit nakakakilig ang mga sinasabi niya at para lamang nagde-date pagkat kaming dalawa ang magkasama. Masaya ako kahit sa kanya ko lang nagagawa o nasasabi na dapat para sa taong nagpapatibok ng puso. Ang bait pa nito pagkat sinamahan pa niya sa silid. Ilang sandali pa, nagsidatingan na ang mga kamag-aral ko kaya ang kaingayan, muling namamayani sa buong silid.

10J-Y. Magkakaroon daw ng quiz kaya habang wala pa si Sir Juangco, nagrepaso ako. Hindi naman makapagrepaso dahil sobrang ingay sa loob ng silid at hirap makapag-concentrate. Minuto ang lumipas nang pumasok si Sir, kaagad na nagsimula ang maikling pagsusulit. Hindi gaanong nakapagrepaso, kung kaya nahihirapan. Matapos ang pagsusulit, nagsimula na ang Class reporting. Pangkat na nina Kalvin ang nag-ulat. Sobra na talaga ang ginagawa niya sa akin sapagkat nang ako ay magtanong, sa halip na sagutin ng maayos, naging pabalang ito. Nakuha pa niya ko personalin kaya nagpuyos na ang loob ko't ibig na siyang sabunutan subalit nagpigil ako. Kahit kailan talaga, napakataklesa nang Kalvin na iyan, walang pagpapahalaga sa magiging damdamin ng taong kanyang sinasabihan!

10J-Z. Napupuno na talaga ako kaya ibig nang mag-walk-out, kaso hindi ko ginawa bilang pagrespeto kay Sir Juangco maging sa mag-uulat. Naghahamon talaga ang baklang iyon at kapag hindi niya pa ko tigilan, pasensiyahan na lang kami dahil kakalbuhin ko siya at sasampalin ng kaliwa't kanan! Wala na kong pakialam kung mapatawag sa Guidance, mabuti nga iyon, nang maisiwalat ko lahat kay Sir Laus ang kawalang-hiyang ginagawa sa akin, at nang tumigil na siya! Ang seryosong pag-uulat, nauwi na sa debate dahil sa mga patutsada sa akin ni Kalvin, na dinedepensahan ko naman subalit hindi naman napunta sa buhatan ng kamay dahil nagawang magtimpi. Social Psychology ang sumunod nilang asignatura at dahil Vacant time, nagawa muling maki-sit-in. Mukhang hindi maganda ang timpla ni Ma'am Joyce at beastmood ngayong araw at sinabi naman nito ang dahilan.

10K-A. Tahimik lang kami at yung iba, halos mapaihi na sa takot habang nagpapamalas ng ngitngit si Ma'am at nagkaroon ng biglaang Class recitation. Kahit sit-in lamang, gusto kong i-share ang knowledge kaya lakas-loob na nagtaas ng kamay subalit hindi ako pinansin ni Ma'am Joyce, na-dissappointed tuloy ako. Marahil ay hindi natuwa sa akin si Ma'am at nainis dahil nag-sit-in ako kaya matapos niyang magturo, kaagad itong nilapitan at inalam kung galit din ba ito sa akin. Gumaan ang loob ko nang sabihin ni Ma'am Joyce na wala siyang problema sa akin at nagpaliwanag. Sa sobrang bait ni Ma'am at maraming bagay na naitulong sa akin na nakatanim sa isipan, nakakakonsensiya lang kung magalit siya sa akin at ma-dissapointed.

10K-B. Pagkatapos ng klase ay nagtungo ako ng library at doon nanatili habang hinihintay ang susunod na klase. Mabuti na lamang, may kakwentuhan ako kaya hindi naman kabagot-bagot ang oras. Pagpatak ng Alas-sais, bumalik na ko ng silid. Sa oras ng Psychological Research, nagpa-check lamang kami kay Sir Jigo ng gawang questionaire. Laking tuwa namin nang bawasan niya ang bilang ng aming respondents. Maya-maya pa, sa wakas ay uwian na. Minamalas lamang ng lagay pagkat bukod sa gabing-gabi na, inabutan pa ng ulan. Mukhang magkakasakit ako sa nangyayaring ito.

July 15, 2017

Saturday
Year V-196

10K-C. Alas-otso na ng umaga ako nagising at bumangon na rin. Maaga akong nagtungo sa paaralan at dahil mamayang hapon pa ang klase, naisipan munang magkumpyuter. Nahumaling ako ng husto sa pagkukumpyuter kaya hindi namamalayang magtatanghali na. Pagkalabas ay saktong namataan ko si Mara na kumakain kasama ang mga kaibigan nito. Nababagot ako ng lagay pagkat walang kasama kaya nakisama muna sa kanila at kwentuhan. Hindi ko lamang naibigan ang sinabi sa akin ni Faith sapagkat nang magkwento ako patungkol kay Kalvin at maglabas ng saloobin sa kanya, sa halip na pakinggan, nagawa pa niya ko gatungan at sisihin. Kung ganito lamang pala ang maririnig, di na lang sana nagkwento pa sa kanila, nagkamali ako. Sabihan ba naman nakikipagtalo ako sa kanya at parang ipinapalabas na ako pa ang mali kaya lalong nagbigat ang loob sa halip na gumaan.

10K-D. Umaatikabo na ang inis sa dibdib dahil sa sinabi nito kaya hindi na napigilan pang mag-walk-out. Maganda pa rin ang araw ko sa kabila na nasaktan sa sinabi ni Faith at ayaw ma-stress sa kakatanim ng sama ng loob kay Kalvin pero nang makita ito at lapitan pa niya ko, biglang nagbaga ang kalooban ko't bumabalik sa ala-ala ang kawalang-hiyang ginawa nito sa akin. Painit nang painit ang galit sa dibdib habang tumatagal na kaharap ko siya at baka hindi na ko makapagpigil pa kaya umalis na lamang ako at lumalayo sa tuwing nakikita ito. Hindi pa humuhupa ang sama ng loob sa kanya kaya ayaw ko muna itong makita ang pagmumukha niya't baka ma-guidance kaming dalawa.

10K-E. Namamayani man ang hinanakit sa dibdib likha ng walang hiyang Kalvin na iyan, biglang naparam pagkat nakakatuwang kausap sina Sarlyn at panay ugnay kay Crushie. Gusto kong tuluyang matanggal ang pagka-beastmood kaya sige lamang ang pakikipaglokohan sa kanila at hinayaang magpalunod sa kilig habang siya ang laman ng aming usapan. Pagkaakyat namin, saktong namataan ito na nakaupo kaya lalo pang sumisipa ang kilig sa dibdib. Habang hinihintay namin matapos ang klase ni Sir Ronan para makapasok, hindi mapigilang mailang habang nakatayo malapit sa kanya, maya't maya ang sulyap ko sa dito. Ilang sandali pa nang makapasok kami.

10K-F. Sa oras ng Current Issue, nagturo lamang si Ma'am Trisha. More on hugot muli si Ma'am habang nagtuturo kaya buhay na buhay at nakaka-relate ang karamihan sa mga kamag-aral. Sa oras naman ng Education 2, tungkol sa teaching styles and strategies ang itinuro sa 'min ni Ma'am Risil. Nang kalagitnaan na ng pagtuturo ni Ma'am, itong si Dianne, naglabas ng saloobin pagkat parati raw ito na parang pinag-iinitan ni Sir Nebres at napapansin. Hindi ko akalain na magkaparehas kami ng naging kalagayan ni Dianne tuwing klase ni Sir Nebres pagkat madalas niya kong sitahin at pinagtitripan pa kaya kapit-bisig kaming dalawa sa pagkukwento kay Ma'am. Natawa na lanang si Ma'am Risil sa aming kwento at pinagsabihan. Bukod pa doon, mahilig din itong magtanong tuwing class reporting, tapos ako ang madalas tawagin tuwing Class recitation kaya naiinis din sa professor na 'yon. Physio Psychology ang sumunod kong klase't nagturo lamang si Ma'am Trisha.

10K-G. Mukhang hindi magiging biro ang subject na ito pagkat madaming kailangang kabisaduhin pero kakayanin naman basta may pananalig. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi. Habang tinutunghayan ang isa nanamang kwento sa Maala-ala mo kaya na makabagbag-damdamin, kinurot ang loob ko sapagkat bukod sa may pisikal na kapansanan na nga ang babae at madalas ay tampulan pa ng tukso dahil kaanyuan nito, ginahasa pa ito. Talaga nga namang naging masalimuot ang buhay niya subalit sa kabila niyon, nagkaroon siya ng anak na napakabait na nagpabago sa kanyang buhay, kahit produkto ito ng kahayupang ginawa sa kanya at mas pinairal ang pagmamahal kaysa galit. Nakakabilib ang buhay niya dahil naging madilim man ang napagdaanan, nagdulot naman ito ng isang bagay na nagbigay liwanag sa kanya at iyon ang kanyang supling.             


July 16, 2017

Sunday
Year V-197

 10K-H. Muling naging masarap ang tulog ko at dahil langit ang nadarama habang nakahilata sa kama, nahirapan akong bumangon. Pagkaalmusal, pagtitinda agad ang inatupag ko. Maya-maya pa, naisipan kong maglaba. Inabot ako ng halos isang oras bago matapos ang paglalaba't dala na hindi pa napapagod at sinisipag ng lagay, gawaing bahay ang sunod na pinagkaabalahan. Ganito ako tuwing Weekend o walang pasok, abala sa lahat ng gawaing bahay at kahit minsan ay nakakapagod, natutuwa pa rin dahil naipapakita ang aking silbi. Saka lamang nakapag-relax matapos ang lahat ng kailangang gawin at tamang pag-online sa Social Media ang pinagkalibangan. Kinahapunan at dala na nababagot, naisipan kong magtungo sa Computer Shop. May kabagalan ang kanilang Internet connection at bukod pa dun ay ang iingay pa ng mga batang umuupa't ang babantot pa kaya ibig nang umalis subalit pinairal ang pasensiya at nagtiis. Bumilis naman kinalaunan, iyon nga lang ay bahagya pero ikinatuwa ko na rin. Bandang Alas-singko na nakarating ng bahay. Walang magawa kaya nilibang muli ang sarili sa panonood ng Telebisyon. May kalaliman na ang gabi nang maisipang matulog.     


July 17, 2017

Monday
Year V-198

10K-I. Lunes nanaman pala at kahit walang pasok ngayong araw at dala na wala namang gagawin sa bahay kundi tumunganga lamang, napag-isipang magtungo ng school. Habang lulan ng tricycle at sa hindi inaasahan, biglang nanakit ang tiyan ko. Mukhang minamalas nga naman ng lagay pagkat nasiraan ng tiyan at hindi na itutuloy pa ang balak kung lumala ito. Habang wala pa sa Terminal at para hindi abutan, walang ginawa kundi batain ang pananakit ng tiyan at mapakapit nang husto. Dahil duming-dumi na tipong babagsak na, dagliang tumungo ng banyo pagkatungtong ng terminal. Para akong lumilipad sa ginhawa matapos ilabas ang masamang laman subalit naging pahirapan ang paghuhugas dahil sa kapos sa tubig.

10K-J. Itinuloy ko pa rin ang pagtungo ng paaralan sa kabila na tinamaan ng LBM. Pagkapihit ng makinis na yapak sa paaralan, kaagad akong tumungo ng library at nagbasa-basa. Kahit na nasa library na at ang lugar na dapat sana ay mataimtim at maayos na makakapag-isip dahil tahimik, kasalungat pagkat namamayani ang kaingayan at parang mga bubuyog kung mag-usap-usap. Tila wala namang nagsasaway at dala na hindi makapag-concentrate sa pagbabasa, naisipang sa Lobby na lang magbasa. Pagkalabas ko ay namayani muli ang hindi lamang saya kundi kilig nang masilayan at makasalubong pa si Crushie. Kahit lumipas na ang panahon, hindi pa rin kumukapas ang kanyang kakisigan at nakakaakit.

10K-K. Lalo tuloy hindi makapag-concentrate pagkat siya ang nasa isip ko sa halip na ang nilalaman ng binabasa pero kinaya ko naman at hindi nagpadala sa nararamdaman. Habang tutok ang mata sa pagbabasa at pagrerepaso na rin dahil nalalapit na ang aming pagsusulit ang pagdating nina Christine Joy. Tanghali na at dala na nagugutom, sumama na ko sa kanila para kumain. Kahit paano'y nalilibang-libang ako habang kasama sila pagkat nakakatuwang kakwentuhan. Matapos kumain ay tumungo kami ng library at tinulungan ang kagrupo nito sa pag-asikaso ng Thesis. Nakakatuwa dahil ang sipag nila at walang inaasaksayang panahon. Bandang Alas-dos nang mapagpasyahan ko ng umuwi. Pagkaalpas ng bahay, kaagad akong nagpahinga. Naghihingalo na ang liwanag nang ako'y magising. Kinagabihan, nagrepaso ako. Nang makaramdam ng antok, saka lamang naisipang matulog.     


July 18, 2017

Tuesday
Year V-199

10K-L. Umaga nanaman pala at kahit medyo inaantok pa ng lagay, kailangan nang bumangon. Pagtitinda ang inatupag ko sa umagang iyon at dahil matumal ang dating ng mamimili, sinamantala ang oras sa pagrerepaso. Wala pa ring pagbabago at sa tuwing nag-aaral ako, nahihirapang itatak sa isipan ang inaaral at nakakaligtaan ng utak kapag naiiwanan. Gayunpaman ay hindi ako umayaw sa kagustuhang makatamo ng magandang marka. Bandang Alas-onse nang magtungo ako sa paaralan. Sa oras ng Clinical Psychology, class reporting pa rin. Maya't maya kung magbigay ng class recitation si Sir Juangco at sa tuwing sumasagot ako, sumasagot din si Kalvin at nanadya talaga siya, tapos kapag nagtatanong naman ako, sa halip na si Sir ang sumagot o ang mga nag-uulat, siya ang sumasabat. Namumuro na talaga ang baklang iyon at kaunting-kaunti na lang, bibingo na siya! Kada katugunan niya ay nilalahukan ng pamemersonal kaya lalong nadagdagan ang pagkairita ko at nakakapanggigil siya.

 10K-M. Sa yamot, hindi ko na napigilan pa ang sariling makapagbitaw ng hindi kaaya-ayang salita sa kabila na naroroon ang presensiya ng aming professor. Nag-aapoy na ang dibdib ko nang panahong iyon dahil hindi na tama ang pinaggagawa niya sa akin kaya ibig na itong sabunutan at sampigahin ng sunod-sunod pero pasalamat siya dahil hindi kagaya niya na walang delikadesa at hindi marunong kumambyo sa sinasabi! Lumabas muna ako matapos ang klase at mabuti na lamang, naroroon si Jona Vee at sa kanya ko nailabas lahat ng sama ng loob kay Kalvin. Beast mood man ako ngayong araw, nakuha pa ring nguminiti at tumawa dahil may pagkakengkay si Jona Vee at napalitan ng kilig nang mapunta sa aming usapan ang patungkol kay Crush.

10K-N. Ibig ko na sanang umuwi at huwag nang daluhan ang klase sa Psychological Research, kaso nakita na ni Sir Jigo at na kay Myrrh pa ang laptop ko, hinanap ko pa ito. Kaagad ko naman nakita si Myrrh at habang Vacant time, walang ginawa kundi asikasuhin ang questionaire at hanapin ang professor na maari naming hingan ng validation. Nahirapan lamang kami sa paghagilap pagkat masyado silang maiilap at may pinagkakaabalahan pa pero laking tuwa pagkat pagdating kina Sir Juangco at Ma'am Daniela, pumayag ang mga ito. Iyon nga lang bukas pa kami maaaring magpa-validate sa kanila. Habang nalalabi pang panahon, kailangan nang maging aligaga sa Thesis at push lang nang push.

10K-O. Saktong naroroon na si Sir Jigo pagkabalik namin ng silid at sa halip na magturo, nakaupo lamang muli ito at nagtsek ng gawang questionaire. Habang aligaga kami ni Myrrh sa pag-asikaso ng Thesis na sandamakmak, parang nasa palengke ang lagay pagkat maingay, tapos si Sir pa ang pasimuno. Wala naman gaanong ginagawa kaya nang matapos kami ni Myrrh, kahit hindi pa dismissal time at nahihiya man, nagpaalam na ko kay Sir Jigo na umuwi. Pumayag naman ito at natuwa ako nang sabihang mag-ingat daw. Pagkauwi ng bahay, diretso ako sa paglamon at nanood ng telebisyon. May kalaliman na ang gabi nang mapagpasyahang humilata sa kama.        


July 19, 2017

Wednesday
Year V-200

10K-P. Wala muling pasok ngayong araw subalit sa halip na magpahinga ngayong araw, kailangan ko magtungo ng School para asikasuhin ng kapangkat na si Myrrh ang Validation for questionaire. Dakong Alas-dyis nang makarating ako ng paaralan at hindi ko pa ito namamataan. Habang wala pa siya, naisipan kong magtungo ng Faculty, nagbabakasakaling naroroon na si Sir Juangco pero si Ma'am Joyce ang nadatnan ko. Dahil naroroon siya, naging pagkakataon na sa akin para makiusap sa validation. Mas mabilis pa sa guhit ng kidlat ang pagpayag nito. Pagkatapos, nagtungo ako kung saan nagklaklase si Sir Juangco. Nahihiya man, wala nang hiya-hiya pang pumasok. Hindi lamang kaagad makapag-validate pagkat wala pa si Myrrh at nasa sa kanya lahat ng questionaire, hinintay ko muna ito.

10K-Q. Isang oras na ang nakakaraan at patapos na rin ang klase ni Sir, hindi pa ito dumarating, nauubusan na ko ng pasensiya at iniisip kung aasa pa ba? Saktong papaalis na si Sir Juangco nang biglang dumating si Myrrh subalit sinabi nito na mamaya pa kami maasikaso para sa validation pagkat may klase pa ito. Habang hinihintay namin ang validation ni Sir Juangco, tumungo muna kami sa Faculty. Saktong naroroon na si Ma'am Daniela at kaagad nang nagpakonsulta. Nang maipa-validate sa kanya ang mga tanong, nagtungo naman kami kay Ma'am Joyce. May klase pa talaga ito kaya sa halip na makipagkonsulta sa kanya, ipinasa na lamang namin ang questionaire with statement of the problem and Thesis title. Magkandahapo kami ng sobra pagkat kanina pa pabalik-balik at palakad-lakad sa pag-aasikaso ng questionaire.

10K-R. Nai-stress man, nawala naman nang magbiro sa amin si Ma'am Joyce at daming tawa sa kanyang pinagsasabi, nakakakabag ng tiyan. Habang hindi pa sumasapit ang takdang oras kung kailan namin makakausap si Sir Juangco, tumungo muna kami ng library. Pagkatungtong ay hindi ko inakala na naroon ang taong nagpapaligaya at nagpapakilig sa akin at kasama ito ni Jona Vee. Nagkakulay muli ang bawat sandali ko habang nasisilayan siya, kaso hindi ito makibo pagkat halatang pagod. Ginaganahan tuloy ako sa paggawa ng thesis dahil sa kanya at iba talaga kapag inspired, kaso ay umalis din sila kaagad.


 10K-S. Pagpatak ng Alas-dos, tumungo na kami ng faculty. Nang makapag-validate kami ng questionaire kay Sir Juangco, laking tuwa namin nang pumayag ito na maging adviser namin at sa tuwa, parang mapigilan ang paang lumundag. Matapos ang pakikibaka sa pag-asikaso ng mga questionaire, saka lamang nakaalis. Sa halip na umuwi, tumungo pa ko ng Computer shop. Dami kong halakhak habang pinapanood ang Pido Dida at punong-puno ng kakulitan at kalokohan ang bawat eksena. Napasarap ang panonood ko kaya hindi namalayang Alas-singko na't kahit hindi pa tapos ang pinapanood, kinailangan nang umuwi. Kinagabihan, nagrepaso ako. Walang ni isang pumapasok sa utak ko kaya tinamad na ng lagay at mas piniling matulog na.      



July 20, 2017

Thursday

Year V-201

 10K-T. Panibagong araw muling kakaharapin na may saya at sana manatili ang ganong pakiramdam hanggang sa magtapos ang araw. Tinanghali muli sa paggising at matapos mag-agahan, kaagad na kong naghanda't bihis para sa pagpasok. Bandang Alas-onse na ko nakarating ng paaralan at habang hindi pa sumasapit ang oras ng klase, kumain muna ako. Matapos kumain at sa kadahilanang magkakaroon ng maikling pagsusulit sa Physio Psychology, sinamantala ang oras sa pagrerepaso. Naantala ang matiwasay kong pagsusunog-kilay nang dumating si Nikki, wala muling puknat ang kwentuhang magkaibigan. Lalo pang sumigla ang kwentuhan nang dumating si Sarlyn at makalipas ang halos isang oras, nakapasok na kami ng silid. Habang wala pa si Ma'am Trisha at kahit nuknukan sa ingay ang buong silid, ipinagpatuloy ko ang pagsusunog-kilay.

 10K-U. Nahihirapan akong mag-concentrate dala na maingay kaya naisipang sa labas na mag-aral. Habang tutok ang mata at aligaga sa pagrerepaso ang biglang pagdating ni Ma'am Trisha. Mistulang nagkaroon ng feeding program at nagmeryenda na rin dahil sa mga HRM na naglako ng luto nilang putahe at solve nang husto ang sikmurang namimilipit na sa pagkakalam. Habang nalantak ng kanya-kanyang biniling pagkain ay may inanunsyo si Ma'am. Laking tuwa namin nang sabihing wala na raw exam sa Current Issue subalit magkakaroon naman ng assestment. Gayunpaman ay natutuwa ako dahil tatlong subject lamang ang papasukan para sa Preliminary examination. Nang makapag-anunsyo si Ma'am, nakapagturo pa ito. Dami naming halakhak habang nagdi-discuss si Ma'am at bentang-benta ang mga pahirit niyang Jokes. Tapos humuhugot pa kaya nakaka-relate ang karamihan sa amin maging ako.

 10K-V. Sa oras ng Education 2, tungkol pa rin sa Teaching Method at paggawa na rin ng lesson plan ang itinuro sa amin ni Ma'am Risil. Sa kanyang sinasabi, mukhang hindi biro ang maging guro, bukod sa kailangan mong maging pasensiyoso sa mga estudyante, kailangan ding panatilihin ang good relationship sa kanila at pagiging effective teacher. Matapos magturo ng aming magaling at butihing guro, nagkaroon ng group activity at iyon ay pagugulungin ang kalamansi sa pamamagitan ng mga pinagdugtong-dugtong na tinuping papel hanggang sa makarating ng kahon. Dahil may time limit at kailangan paramihan, sa paghahanda pa lamang ay na-pressure na kami at hindi madali pagkat madalas ay nahuhulog ang kalamansi kapag pinapagulong. Kapag nakarating naman sa box, kusa itong tumatalbog. Sa huli, nakaisang kalamansi lang kami kaya mababa ang ibinigay na grado sa amin subalit ayos lamang iyon. Dahil maaga kaming pinalabas ni Ma'am Risil, kasama sina Sarlyn ay kumain muna kami.

 10K-W. Medyo napasarap ang kwentuhan sa kanila kaya hindi namamalayan ang oras at kailangan nang pumasok ng silid. Pagkapasok, saktong wala pa si Ma'am Trisha. Dahil magkakaroon ng pagsusulit ngayong araw, sinamantala ko ang oras sa pagrerepaso habang hindi pa ito dumarating. Nakakainis, hindi pumapasok sa kukote ang inaaral, nakakawalang gana. Gawa na nawawalan na ng gana, itinigil ko na ang pagrerepaso. Halos isang oras na ang nakakaraan, wala pa rin si Ma'am kaya napag-iisipan na kung tuloy pa ba ang pagsusulit. Parang hindi na darating si Ma'am kaya ibig nang umuwi subalit nagitla kami nang bigla itong dumating. Laking tuwa muli nang sabihin ni Ma'am Trisha na hindi na matutuloy ang pagsusulit at magdi-discuss lamang siya. Ilang sandali pa, uwian na. Kinagabihan, heto muli sa pagsusunog-kilay at nang antukin, saka lamang natulog.             


July 21, 2017

Friday
Year V-202

 10K-X. May kaliwanagan na sa labas nang magmulat ang mga matang kagagaling sa mahimbing na pagtulog. Matapos mag-almusal, pagtitinda ang inatupag ko. Bandang Alas-dyis nang pumasok ako sa paaralan. Pagkatungtong at pagkasalubong kina Faye at Catherine, hindi magandang balita ang ipinabatid nila pagkat lahat raw ng magulang kaming mga Fourth year, kailangan magtungo sa Guidance office. Inalam ko ang dahilan at laking gulat pagkat dahil lamang sa isang estudyante na hindi nagpapasok at nagkataong nahuli pa ng kanyang magulang, kailangan maging kami na walang ginagawa ay madamay. Kahit na ganon ang pangyayari na nakakaalarma, nagawa pa ring ipanatag ang kalooban. Habang kumakain, saktong nakita si Myrrh, kaagad ko siyang nilapitan matapos kumain. Mas malala ang sinabi ni Myrrh na ikinaliyab ng dibdib ko pagkat ipinabatid nito na ipinalandakan raw ni Kalvin sa buong klase ang patungkol sa bahong nakikita niya sa akin.

 10K-Y. Ang ikinapupuyos pa ng loob ko, sa mismong harapan ni Sir Esguerra. Nangangamba ako na maaaring magbago ang tingin sa akin ni Sir dahil lamang sa ikinuwento ni Kalvin. Talagang sumusobra na talaga ang baklang iyon at hindi na tama ang ginagawa nito sa akin, talagang hindi na niya ko tinantanan at unti-unti nang nasisira dahil sa kanya kaya sa puntong iyon, ibig ko na siyang pagbuhatan ng kamay, dala na punong-puno na sa kanya. Issue naming dalawa ni Sir Jigo, bakit kailangan pa maging si Sir Esguerra ay makakaalam, sadyang napakatabil ng dila niya at dapat sa dila nito, tinatagpas! Bukod kay Myrrh ay sinabi rin ni Homer maging ilang kaklase sa Dash 3 patungkol sa ginawa ni Kalvin at nakakagigil siya! Masyado siyang maisyu!

 10K-Z. Hindi ko maintindihan kung bakit niya ako ginaganito at ganyan makitungo sa akin. Nagpapasalamat ako sa mga nagsabi dahil ipinaramdam nila na may malasakit sa akin. Abot-langit man ang pagkamuhi sa kanya na halos atakihin na sa Puso at matupok, nagawa pa ring pumasok sa Clinical Psychology. Hindi porket na ganito ako na tatahi-tahimik at tingin niya na hindi lumalaban ay doon siya nagkakamali! Sa ginawa niya ay lalo akong tumatapang at dapat na itong may kalagyan. Talagang ayaw niyang paawat at sa tuwing magre-recite ako, magre-recite din ito na para bang nakikipagsabungan siya sa akin, tapos kapag may itatanong ako, sa halip na si Sir Juangco ang sumagot o mga nag-uulat, siya pa at nanabla! Halos hindi na makapagtimpi nang panahong iyon kaya ibig ko na siyang sabunutan, kung wala lang akong hiya. 

 10L-A. Dahil kay Kalvin, naapektuhan na ang pag-aaral ko't sobrang nai-stress na sa ginagawa nito! Sa sobrang pagka-stress, naiiyak na lamang ako't ano bang problema niya! Labis-labis na ang pagkaimbyerna ko sa kanya at nagkakasakit na sa nangyayari kaya matapos ang klase sa Clinical Psychology at kahit may kasunod pang klase, napagpasyahan nang umuwi pagkat gustong makapag-relax.  Sa halip na umuwi, nagtungo ako ng Computer shop. Napupuno man ng yamot ang dibdib, nakuha pa rin tumawa habang pinapanood ang Comedy show ng Pido Dida. Sa saya, tila nakalimutan nang dibdib ang pagkamuhi kay Kalvin pero hindi pa rin mapapalagpas ang ginawa nito sa akin dahil di ako papayag na inaapi lang basta-basta! Inabot na ko ng takip-silim sa pag-uwi at kinagabihan, pagrerepaso ang inatupag ko. Pagpatak ng Alas-dyis, kusa na kong natulog.     


July 22, 2017

Saturday
Year V-203

10L-B. Dala-dala pa rin ng dibdib ko ang galit at sugat na nilikha niya kaya hindi naging maganda ang paggising ko sa umaga. Pilit kong iwinawaglit sa isipan ang ginawa nito sa akin at ituon sa ibang bagay, kaso kung ganon kalala at nagkapatong-patong na, hindi ko maiwasan at parang ibig nang magwala sa tindi ng yamot na nararanasan. Bandang Alas-nuebe nang magtungo ako ng School. Nababalutan man ng sama ng loob at super-disappointed, hindi naman ginawang dahilan para hindi mag-aral at magsumikap. Hindi ko man gusto ang nararanasan dahil may kagalit na tipong ikinakalat ang isyu na nagiging kasiraan sa akin, be smile pa rin at huwag magpaapekto, pasasaan pa't mareresolba din ito. Nasarapan ako sa pagsusunog-kilay kaya hindi namamalayang Alas-onse na pala at halos dalawang oras nang nasa library.

10L-C. Ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso kahit kumakalam na ang Sikmura at oras na ng tanghalian. Ilang sandali pa'y pumasok na ko ng silid. Malapit nang sumapit ang Ala-una y medya, mangilan-ngilan pa lamang kaming nasa loob ng silid at wala pa si Ma'am Trisha. Kahit kumukulo nang husto ang dugo't nagpupuyos ang damdamin kung hahayaan lamang na lumalalim ang sugat naming dalawa, lakas-loob ko nang hinarap at kinausap si Kalvin. Inalam ko ang dahilan kung bakit ganyan siya sa akin at sinabing wala naman akong ginawa o kasalanan sa kanya pero sinabi nitong sa kadahilanang parang nilalandi ko raw si Sir Jigo. Nagtataka lang ako kung bakit masyadong big deal sa kanya ang ginagawa ko kay Sir, samantalang paghanga lang naman at hindi ko siya nilalandi. Bukod pa dun ay masyado niyang nilalagyan ng malisya at sa mga ginagawa nito, parang lumalabas na may gusto din ito kay Sir at nagseselos.

 10L-D. Sa landi ng baklang iyon, hindi na ko magtataka kung maging si Sir Jigo ay magustuhan niya pero ayos lang naman iyon pagkat wala na kong nararamdaman sa kanya. Dahil lamang kay Crush na ngayon ay Ex-crush na lamang, humahantong kami sa ganito dahil maisyu siya! Nagliyab ang dibdib ko nang igiit nitong ako raw ang nagpapalaki ng ganong isyu at kamusta naman siya. Sa ginagawa nitong pamamahiya sa akin at pamemersonal tuwing klase namin dahil lamang sa akala nitong nilalandi ko si Sir Jigo, mas lumalabas na siya ang nagpapalala at nagpapalaki! Nayamot na ko nang panahong iyon kaya hindi na natagalan pang makipag-usap sa kanya at nasigawan. Sa halip na humingi ng paumanhin sa mga ginawa nito sa akin, siya pa ang may ganang manumbat at manisi kaya nag-uumapaw ang aking pagkabwisit.

10L-E. Abot-langit na ang nararanasang galit sa kanya pagkat sumusobra na talaga kaya hindi na nagdalawang isip na magtungo ng Guidance office. Tama na ang pananahimik at pagtitimpi, hindi ko na kaya ang ginagawa niya sa akin! Nang makausap si Sir Laus at dala ng namamayaning galit na tipong nakakapaso, ora-orada akong nagsalita at tahasang inilahad lahat ng kawalang hiyang ginawa sa akin ni Kalvin. Akala niya kasi, ayos lang ang ginagawa nito pero nagkakamali siya at hindi dapat kinokonsinti ang ganong gawain! Nang makapaglahad ay sinabihan ako ni Sir na kailangan na namin sumailalim sa Conference at maigi iyon para tigilan na ko ni Kalvin. Naapektuhan na ang pag-aaral ko dahil sa kanya. Halos magkandahingal ako sa tindi ng galit at napapaiyak na rin! Pagkabalik ng silid, saktong naroroon na si Ma'am Trisha at nagtuturo. Dahil sa namamayaning yamot, nahirapan akong i-focus ang sarili sa pakikinig, na siyang kaagad napansin ni Ma'am.

10L-F. Balak ko na sanang ikwento kay Ma'am Trisha lahat ng hinanakit kay Kalvin, kaso parang walang pinagkaiba sa kanya kung gagawin ko iyon. Sa oras ng Education 2, nagkaroon kami ng activity at iyon ay gagawa ng Lesson plan. Mukhang hindi pala biro ang maging guro pagkat paggawa pa lamang ng lesson plan, hindi basta-basta at kailangan ay detelyado. Nahihirapan din ang makapagsimula pagkat walang guide at hindi malaman kung may format ba na kailangang sundan o kahit sarili lamang. Halos mag-iisang oras na subalit wala pang masimulan hanggang sa laking tuwa namin nang gawin na lamang ni Ma'am Risil na assignment iyon.

10L-G. Sa oras ng Physio Psychology at bago simulan ang maikling pagsusulit, biglang dumating sina Sir Astrid para isagawa ang Class Election. Karamihan sa mga tumatakbo, hindi gasinong kilala kaya minani-mani na lamang ang pagboto. Nang matapos ang botohan, saka lamang nagsimula ang pagsusulit. Kahit nakapagrepaso ay nahirapan pa rin pagkat Fill in the blanks, nanghula-hula na lamang ako't nang wala nang maisagot at pigang-piga na ang kukote, ipinasa na. Inabot nanaman ng gabi sa pag-uwi at dala ng stress na dulot ng kagalit sa Eskwela, maaga akong natulog.          


July 23, 2017

Sunday
Year V-204

10L-H. Gaanoman kabigat ang loob kahapon dulot ng kamag-aral na walang ginawa kundi paigtingin ang pagkamuhi sa kanya ay nakatulong naman ang magdamag na pagtulog para mabawasan. Sadyang may mga taong hindi marunong mahiya sa ginagawa at sumaalang-alang sa magiging damdamin ng iba gaya na lamang ni Kalvin. Nayayamot pa rin sa tuwing sumasagi sa isipan ang ginawa nitong paninira sa akin at hindi alam kung magagawa ba siyang patawarin. Hindi ko ibig ang ma-stress kaya itinigil na ang pag-iisip patungkol sa kanya. Pagkalamon ng agahan at dahil wala namang ibang gagawin, pagtitinda ang inatupag ko. Walang ibang pinagkaabalahan kundi magtinda sa buong umaga at kahit paano'y nawawaglit na ng isipan ang suliraning kinakaharapa sa paaralan. Ganap nang sumapit ang tanghali nang itigil ang pagtitinda para kumain. Matapos kumain at dahil inaantok na, hindi ko maiwasang matulog. Naging napakaalinsangan ng panahon kaya hindi makatulog at pagkagising, pagbabantay muli sa tindahan ang napagkaabalahan.

10L-I. Kinagabihan, muling nagpasiklab ng kulo si ina at sa mga sinasabi nito, tila wala nang makitang tama sa ginagawa ko. Tila nagkasabay-sabay naman ang pinagdaraanan ko pagkat may kagalit na nga sa School, maging pa naman sa bahay ay parang hindi pa kami magkasundo ni Mama at tila ipinapamukha nito sa akin na nadidismaya sa ginagawa ko, kahit hindi naman masama. Napapaisip na tuloy kung hanggang kailan pa kayang mabuhay sa panahong puro unos ang kinakaharap, mukhang napanghihinaan na ng loob dahil hindi na kanais-nais ang nangyayari pero kailangan pa ring magpakatatag. Nayayamot man dahil sa maaanghang na salitang naririnig mula kay ina, ipinagsawalang bahala na lamang, dahil ayaw ko na maging ito ay lumalala pa. Bago matulog, nanood muna ng telebisyon. Bandang Alas-dyis nang maisipang matulog.   


July 24, 2017

Monday

Year V-205

10L-J. Araw ng ikalawang SONA ng ating Pangulong Duterte kaya wala muling pasok. Sa loob ng isang taon ng kanyang panunungkulan, tiyak na may nagbago naman, ang problema ay hindi ma-appreciate ng mga Pilipino dahil walang ibang inisip kundi isisi ang problema sa pangulo, ganyan naman palagi at what is new sa kanila? Lahat iaasa sa pangulo, hindi porket responsibilidad niya na punan ang lahat ng kanyang nasasakupan. Walang mangyayari kung palagi na lamang ganyan ang pag-uugali at walang pagkukusa. Hindi Diyos ang pangulo kaya hindi niya hawak ang buhay at kapalaran ng sinuman sa atin, tayo ang may dahilan kung bakit naghihirap at umaasenso sa buhay. Naiinis lamang ako sa mga taong walang ginawa kundi mag-rally at akala'y mga dehado! Nakakaperwisyo pa sa mga dumadaang motorista! Kahit sabihing ikaw ang makapangyarihan dahil sa Pangulo ka, hindi pa rin masarap dahil sa mga nakaatang na mga mabibigat na responsibilidad at pananagutan mo ang lahat ng iyong nasasakupan. Tinanghali nanaman sa paggising at pagkaalmusal, kaagad kong ipinagpatuloy ang pagrerepaso.

10L-K. Dahil maaga at kagagaling lamang sa magdamagang tulog, nakakatuwa dahil gumagana ng maayos ang utak ko. Ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso habang nagtitinda, kaso medyo tinamad na ng lagay kaya itinigil ko muna at nagpahinga. Pagsapit ng tanghali, nanood ako ng Telebisyon. Hindi ako makapaniwala at nakaka-shock pa ang natunghayang balita dahil trese-anyos pa lamang ang binatilyo, nagawa na nitong manggahasa ng limang taong gulang na bata at pinatay pa. Bukod sa pinatay, isinilid pa nito sa sako at itinapon sa liblib na lugar. Nakakagulat isipin na sa murang edad, nakakaya nang gawin ang gawain ng mga taong nuknukan sa halang ang kaluluwa at demonyo! Nakukumbinsi na tuloy ako na dapat babaan na ang edad ng mga pwedeng makulong o kung hindi naman pwede dahil sa menor de edad pa lamang ay ang magulang na lamang nito, nang sa ganon ay makamit naman ang hustisya ng mga taong naagrabyado.

10L-L.Tila wala ngang pinipiling edad ang pagiging rapist at killer oras na mag-init ang katawang lupa. Bandang Alas-kwatro nang magsimula ang pagtatalumpati ni Duterte at kahit dapat ay formal speech, nagagawa pa rin nitong magmura at magbitaw ng maaanghang na salita kaya kawalang gana ang manuod, tapos kung ano-ano pa ang isinisingit kaya humahaba. Dala na nawalan na ng ganang manuod, nagrepaso na lamang ako. Habang aligaga sa pagsusunog-kilay ay gulantang ang dibdib ko nang biglang kumalabog sa kalawakan ang napakalakas na kulog. Nakaramdam na ko ng takot kaya tigil muna sa pag-aaral at nagtago. Saka lamang natanggal ang takot nang masigurong wala na. Kinagabihan, sakripisyo muna sa paglilibang ng panonood ng telebisyon at paggamit ng Cellphone para magrepaso. Nang antukin, natulog na ko at goodluck sa akin para bukas. 

July 25, 2017

Tuesday

Year V-206

10L-M. Ngayong araw ang pagsisimula ng aming pagsusulit para sa Prelim exam at pagkagising, daglian muling nagrepaso. Maraming ginagawa si Mama kaya kahit kailangan ituon ang sarili sa pagrerepaso at hindi maganda ang loob sa kanya, tumulong pa rin sa pagtitinda. Ipinatupad na sa buong bansa ang Nationwide Smoking ban simula kahapon subalit sa nakikita ko ay talamak pa rin ang bentahan ng Sigarilyo at isa na roon ang tindahan ni Mama na lantaran pa. Nang may bumili nang sigarilyo at kahit batid ko na bawal na at labag din sa kalooban, napagbentahan pa rin. Matapos ay itinago ko na ang Sigarilyo na siyang nag-ugat ng muli naming sagutan ni ina at pagtatalo. Alam na ngang walang magandang idudulot ang sigarilyo sa katawan, nagbebenta pa rin. Ipinaalala ko kay Mama ang patungkol sa ipinatupad na batas para malinawan ito sa aking ginagawa kaso sarado ang utak nito at may gana pang magalit, mas iniisip ang sarili naming pangangailangan kaysa makaperwisyo ng kalusugan ng tao.

10L-N. Alam ko ang pakiramdam na magkaroon ng problema sa baga dahil napagdaanan iyon at ngayon ay nakasalalay ang hininga sa inhaler, kaya ayaw na ayaw ko sa mga taong naninigarilyo at never akong gumamit niyon. Sa huli, hindi ko na pinigilan pa si Mama na magbenta ng Sigarilyo at ayaw ko man ito mangyari sa kanya, bahala na kung mahuhuli siya pagkat matigas ang ulo! Isa pa sa kinaiinis ko sa mga taong naninigarilyo ay yung walang disiplina sa paghithit-buga't nadadamay ang mga taong nakakalanghap na hindi naman aktibo sa paggamit ng sigarilyo. Mabuti sana kung sila lamang ang mapeperwisyo, walang problema.

10L-O. Ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso habang aligaga sa pagtitinda at pagsapit ng Alas-dyis, tumungo na ko ng School. Sa library ko sana balak tumambay habang hinihintay pa ang oras ng pagsisimula ng pagsusulit, kaso punuan, sa may lobby na lamang. Maya-maya ay bigla kong namataan sina Sarlyn at sa kanila ako sumama. Ang dapat sana'y dibdibang pagsusunog-kilay dahil exam, naudlot dahil sa kanila at hindi napigilan ang sariling makipagkwentuhan at lokohan sa kanila. Pagpatak ng Alas-dose, pumasok na kami ng silid. Hirap mag-aral pagkat nuknukan sa ingay at hindi naman pumapasok sa kukote ang inaaral kaya hinintay na lamang dumating ang proctor. 

10L-P. Pasado Ala-una nang magkaroon na kami ng proctor. Education 2 ang pagsusulit ngayong araw at dahil may naaral naman, hindi ako gasinong nahirapan sa pagsusulit subalit hindi naman kumpiyansang makakakuha ng mataas na marka. Wala pa sa isang oras nang matapos sa pagkuha ng pagsusulit. Sa halip na umuwi na, hinintay ko pang matapos sina Nikki. Ilang sandali pa at nang matapos sila, nagtungo kami sa sinasabi ni Sarlyn na Campus Ministry. Sa sinabi nito patungkol sa Campus Ministry ay naging interesado ako pagkat mailalabas mo ang gustong sabihin at bukod pa roon ay matutulungan ka pa nila sa buhay kaya hinintay ang mga kaanib nito, sa kagustuhang makilala sila.

10L-Q. Isang oras na ang nakakalipas, wala pa ang mga kaanib nito hanggang na sina Sarlyn sa silid pagkat may pagsusulit pa sila. Habang kanilang pagsusulit ay nagtungo muna ng Computer shop. Pagkabalik at nang puntahan kung sila kumukuha ng pagsusulit, wala na ang mga ito. Hinanap ko sila kung saan-saan at nang hindi na talaga masumpungan, napagpasyahan nang umuwi. Kinagabihan ay nagrepaso ako. Gawa na tinatamad ng mag-aral, tutok muli ang mata sa paggamit ng Gadget. Naantig ang dibdib ko habang pinapanood sa Youtube ang Ika-anim na utos. Parang totoo kung magsapakan at tadyakan pa ang Mistress at Legal Wife at natatawa sa mga batuhan nila ng litanya sa isa't isa, tila walang magpapatalo o aatras ni isa sa kanila. Paniguradong nakaka-relate ng husto ang mga taong inagawan ng asawa at nanggigil pa habang pinapanood ang teleseryeng iyon. Sa sobrang pagkahumaling ko, hindi namamalayang Alas-onse na't kailangan nang matulog.


July 26, 2017

Wednesday
Year V-207

10L-R. Naging maulan ang magdamag na siyang nagpasarap sa aming pagtulog. Dakong Alas-siete na ng umaga ako nagising. Kahit naging maulan halos buong gabi, sumilip pa rin kahit papaano ang haring araw. Wala akong pagsusulit ngayong araw subalit dala na nababagot manatili sa bahay at wala naman gagawin kundi magtinda, nagtungo ako ng School. Saktong inabutan ng malakas na buhos ng ulan pagkarating doon kaya mistulang basang sisiw at kaagad na nagtungo sa library. Habang naroroon ay walang ginawa kundi itutok ang mata sa pagrerepaso at makalipas ang halos dalawang oras at gawa na hindi na makayanan ang lamig, lumabas na ko. Saktong namataan ko si Grace at dahil kating-kati na ang dilang makipagdaldalan, ibinuhos ko na sa kanya. Ilang sandali pa, nang makita ko muli sina Nikki. Kahit may kalakasan ang ulan, sumabay pa rin sa kanila para mananghalian.

10L-S. Sadyang napakasungit ng panahon at dala na tinatamad na ng lagay at ibig nang umuwi, nagpaalam na ko sa kanila. Habang nasa biyahe ay umigting pa lalo ang pagbuhos ng ulan kaya kahit nakapayong, nababasa pa rin ako. Pagdating ng bahay ay kaagad akong natulog. Pagkagising at kahit pabugso-bugso ang mga pag-ulan, tumungo pa rin ng Computer shop. Kung kailan naaaliw na sa panonood, sa hindi inaasahan ay biglang nagloko ang kanilang internet connection. Naghintay muna ako at inigtingan ang pasensiya, nagbabakasakaling magagawan pa nila ng paraan pero nang makitang unti-unti nang nagsisialisan ang mga kasama at mukhang naghihintay na lamang sa wala, napagpasyahan na ring umalis. Bandang Alas-sais na ko nakarating ng bahay at kinagabihan, heto muli ang mata na titirik sa kakasunog-kilay. Dakong Alas-onse nang maisipang matulog. 


July 27, 2017

Thursday

Year V-208

10L-T. Muling binabayo ng malakas na ulan ang Kalakhang Maynila dulot ng Bagyong Gorio kaya napapaisip na kung may pasok ba kami o wala. Alas-siete na ng umaga at bukod sa nagtatago ang haring araw ay mistulang takip-silim na dahil napakadilim ng kalawakan at tuloy-tuloy ang pag-ulan. Makalipas ang ilang sandali, lalo pang lumakas ang buhos ng ulan na sinabayan pa ng pagkulog at kidlat. Nagsuspinde na ang halos lahat ng siyudad sa Metro Manila, maliban dito sa Quezon City na hanggang ngayon ay wala pa ring anunsyo kaya nagdadalawang isip na kung itutuloy pa ba ang pagpasok o hindi, lalo na't may pagsusulit ako ngayong araw sa kabila na masungit ang panahon. Halos wala nang puknat ang pag-ulan at nadadagdagan na rin ang mga lugar na nagsuspinde ng klase subalit hanggang sa mga oras na iyon ay wala pang deklarasyon para sa Quezon City.

10L-U. Nabubwisit na ko pagkat parang walang pakialam ang namumuno sa amin sa nangyayaring kalamidad at mga manhid! Pagsapit ng Alas-dyis at kahit malakas pa rin ang buhos ng ulan kung wala namang kanselasyon ng klase, tumuloy pa rin ako sa pagpasok. Habang nasa biyahe ay halos tumirik na ang sinasakyan dahil baha na't naipit sa napakabigat na trapik. Naging struggle and hassle ang pagpasok ko kaya lalo pang nayamot sa mga namumuno at wala silang kwenta! Masama na nga ang panahon, tapos ay wala pang balak magsuspinde ng klase at hindi ko malaman sa kanila! Dahil natrapik ng husto, bandang Alas-onse na nakarating sa School. Kahit malamig ang panahon ay nag-init pa rin ang loob nang mabalitaang suspendido na ang klase.

10L-V. Kung kailan nakatungtong na ang yapak sa paaralan, nabasa ng husto ng ulan at gumastos pa sa pamasahe ay saka pa sila nag-suspend. Kung magsususpinde lang din sila, dapat ay inagahan, hindi yung hahantong pa sa ganito. Asar na asar ako ng panahong iyon lalo na kay Vice Mayor Joy Belmonte at nagsayang lang ng pamasahe, bukod sa akin ay maraming naperwisyo dahil sa mali nitong pag-anunsyo at paniguradong uulanin ng sangkatutak na batikos. Kahit nabalitaang suspendido na ang klase, pumasok pa rin ako ng Campus para alamin kung tuloy pa ba ang pagsusulit at manigurado na rin. Pagkatungo ng library ay saktong namataan ko sina Jona Vee.

10L-W. May kalituhan pa sa isip kaya hindi ko kaagad maisiwalat sa kanila na wala nang klase hanggang sa makumpirma ng mga ito na suspendido na nga. Sa halip na manatili pa sa paaralan, umalis na ko. Wala pang balak umuwi kaya kahit may kasungitan ang panahon dulot ng Habagat ay tumungo ng Computer shop. Kung kailan tuluyan nang nasuspinde ang klase, saka naman humupa ang pag-ulan at bahagya pang sumilip ang araw. Tila nanloloko ang panahon at hindi malaman ang ugali nito. Bandang Alas-dos nang makarating sa bahay at kaagad na natulog. Kinagabihan at dahil nababagot, naisipang manuod ng telebisyon. Tila hindi umiiral ang sinasabing pagbabago pagkat problema pa rin tuwing sasapit ang panahon ng tag-ulan ang baha sa maraming lugar at mga landslide. Marahil ay kabayaran iyon sa atin pagkat karamihan ay mga walang disiplina at tila hindi nagtatanda sa mga napagdaanang kalamidad. 


July 28, 2017

Friday

Year V-209

10L-X. Naging maulan pa rin ang panahon sa magdamag maging umaga kaya sarap matulog. Ganap nang sumapit ang Alas-siete kaya bumangon na at nag-agahan. Nang makapag-almusal at dahil pabugso-bugso ang pag-ulan at hindi naman makalabas, pagtitinda ang inatupag ko. Mukhang mabubukbok kung titingin lamang sa kawalan habang nag-aabang ng mamimili kaya naisipan kong magbasa. Kahit paano nalilibang ang sarili sa pagbabasa at daming bagong kaalaman ang pumapasok sa isipan. Maya-maya pa'y may bumili na, iyon nga lamang ay Sigarilyo kaya halos nag-aalangan na pagbentahan subalit wala rin nagawa pagkat nandito na ko. Inis na inis ako sa sarili nang makapagbenta ng Sigarilyo at bakit ba kailangang tangkilikin ng iilan, samantalang wala itong magandang maidudulot kundi problema sa kalusugan o sadyang walang malay ang mga gumagamit hinggil diyan at basta lamang sa paghithit-buga ng walang pakundangan.

10L-Y. Nanatiling maulan ang panahon hanggang sa pumatak ang tanghali kaya wala muling pasok. Sa sobrang abala sa pagtitinda, nakaligtaan na halos ang mananghalian. Matapos mananghalian at dahil nakakatamad ang magkikilos-kilos ngayong maulan ang panahon, natulog ako. Sa sarap at gawa na katamad bumangon, takip-silim na nang awatin ang sarili sa kama at panonood naman ng telebisyon ang sunod na inatupag. Kinagabihan, muling naranasan ang malalakas na ulan kaya hindi na maiwasang isiping babaha na subalit laking pasalamat pagkat hindi nagtuloy-tuloy. Tila panahon nga ngayon para ihimlay ang sarili sa kama at matulog pagkat masarap tuwing umuulan subalit panahon din ito ng paghahanda dahil sunod-sunod ang dumarating na kalamidad.  


July 29, 2017

Saturday
Year V-210

10L-Z. Sa sarap ng tulog, Alas-otso na pala nang umaga ako nagising. Ang kahapong napakaulang panahon ay kabaligtaran naman ngayon pagkat tumila na ang mga pag-ulan at sumilip na rin ang araw, magandang pagkakataon para labhan ang mga damit na ilang araw na nakatengga. Matapos mag-almusal at dahil walang pagsusulit ngayong araw, namahala ako sa tindahan. Habang abala sa pagtitinda ay pinagsabay ko ang pagbabasa. Walang ibang inatupag sa buong umaga kundi maging abala sa aming negosyo at isabay na rin ang pagbabasa. Matapos magtinda at dala na kanina pa nagwawala ang alaga sa tiyan, nananghalian muna ako. Pagpatak ng hapon, ipinagpatuloy ko ang pagbabasa at iyon lamang ang inatupag sa buong maghapon. Kinagabihan, tigil muna ang sarili sa pagiging subsob sa pagbabasa and it's time to relax sa panonood ng Telebisyon. Isang makabuluhang kwento muli ang natunghayan sa Maala-ala mo kaya sapagkat siya si Roy na namulat sa kahirapan at ayaw pang pag-aralin ng kanyang tatay.

10M-A. Baligtad lamang ang naging sitwasyon nito pagkat kung sino pa ang magulang, sila pa ang nagtutulak para hindi siya mag-aral samantalang karamihan sa mga magulang ay gustong-gustong mag-aral ang anak at makapagtapos. Dahil sa determinasyong taglay ni Roy, hindi nito sinunod ang kagustuhan ng magulang at nagsumikap ng husto hanggang sa may narating ito at naiahon ang pamilya sa kahirapan. Sa napanood ko sa kanyang kwento, tiyak na aani ito ng inspirasyon sa mga manonood at nakakabilib ang determinasyong kanyang ipinakita. Tunay ngang hindi porket mahirap ka, wala ka nang karapatang umasenso, basta't nagsusumikap at may katatagan ng loob, maaaring maging gaya ang mga kinikilalang angat sa buhay at napatunayan iyon ni Roy. Bukod pa roon at higit sa lahat, kailangang may pananalig sa Diyos. Huwag matakot na kaharapin ang hirap dahit hindi niya tayo pababayaan.     


July 30, 2017

Sunday
Year V-211

10M-B. Ngayong araw ang aming Forensic Psychiatry na gaganapin sa UP Diliman kaya sa sabik, Alas-sais pa lamang ay gising na ko at naghanda-handa. Bandang Alas-otso na nakarating ng Philcoa, lugar kung saang magkikita-kita subalit si Grace pa lamang ang aking nadadatnan at wala pa sina Nikki at Nadia, nanatili muna kami para hintayin sila. Malapit nang sumapit ang Alas-nuebe, wala pa rin sila at mukhang mahuhuli na sa kakahintay kaya napagpasyahan nang tumungo sa UP. Pagkapasok ay laking gulat pagkat ganon kalawak ang unibersidad na iyon at habang binabagtas patungo sa paroroonan ay hiwa-hiwalay ang mga gusali at hindi mo aakalaing School iyon kundi resident village lang pagkat may mga bahay din sa loob ng campus. Sa lawak ng UP, parang walang sinabi ang UST at pwede pa mag-jogging at bisikleta.

10M-C. Dahil mga baguhang dating lamang kami, muntikan nang maligaw subalit nakarating naman sa NCPAG Building, kung saan gaganapin ang seminar. Saktong umaawit na sila ng pambansang awit subalit hindi pa nagsisimula ang seminar at nang matapos, saka lamang kami nakapagbayad at nakapasok. Si Doctor Rainier Umali ang naging speaker para sa Forensic Psychiatry at tungkol sa droga ang naging tema at kung anong epekto nito sa katawan. Para sa akin, may maganda naman maidudulot ang paggamit ng drugs subalit kapag nasobrahan, iyon ang masama at pwede pang maging adik. Kawawa ang tumitira ng ipinagbabawal na gamot dahil bukod sa sinisira nito ang kalusugan, maging buhay at relasyon mo sa kapwa ay maaaring maapektuhan.

10M-D. Ilang sandali pa, sa wakas ay dumating na rin si Nadia subalit wala pa si Nikki, napapaisip na tuloy kami kung darating pa ba ito. Halos dalawang oras na ang nakakalipas nang dumating ito. Tumagal ang aming Seminar hanggang Alas-dose at matapos, picture taking kasama si Doctor Umali. Sa halip na umuwi at dahil unang beses lamang makaapak sa ganong kasikat at malawak pa na unibersidad, naglibot-libot muna kami. Habang namamasyal ay tamang kuhaan lang ng litrato kung saan-saan bilang memories and experience. Sa lawak ng UP, tila masarap mag-aral doon dahil maraming pwedeng pasyalan at hindi ka mabuburyong kapag breaktime. Bukod pa doon ay pwede pang gawing pook pasyalan at mag-picnic dahil madaming open-field at presko pa dahil maraming mga naglalakihang puno.

10M-E. Sa kakalakad, mangawit na ang mga balakang hanggang sa marating namin ang Oblation Statue. Sa kakagala nang walang humpay, hindi namamalayang Alas-dos na pala. Balak pa sanang libutin ang iba pang lupalop sa UP, kaso mga pagod na. Hindi bale at kapag kukuha ako ng Masteral o panibagong kurso, doon ako mag-aaral. Wala pang balak umuwi at dahil Linggo, tumungo pa sa Novaliches Bayan para magsimba. Bandang Alas-singko na nakatungtong sa bahay at kinagabihan, panonood muli ng telebisyon ang inatupag. Hindi pa makatulog kaya nagbasa-basa pa ko.                 


July 31, 2017

Monday

Year V-212

10M-F. Huling araw na para sa buwang ito. Inabot nanaman ng pagsikat ng araw sa paggising at anong sigla muli ang aking naramdaman kaya ganadong-ganadong gawin ang mga naisin at balak sa buhay. Nang makapag-agahan, diretso ako sa pagtitinda. Walang gasinong bumibili kaya hindi maiwasan ang mabagot at para matanggal ang aking pagkabato, nilibang ang sarili sa pag-online sa Social Media. Hindi pa rin dumarating si Mama kaya maging sa tanghali'y ako pa rin ang namahala sa aming negosyo. Malapit nang sumapit ang hapon nang dumating si Mama at matapos mananghalian, nagrepaso ako. Balak sanang gugulin ang sarili sa pagsusunog-kilay sa maghapon, kaso tinamaan na ng antok sa mga mata. 

10M-G. Medyo tinatamad nang mag-aral kung inaantok kaya nagpahinga muna. Sa kasarapang matulog, saktong papasapit na ang Alas-singko nang ako'y magising at kinagabihan, pagsusunog-kilay pa rin ang inatupag. Naiinis lamang ako sa sarili pagkat hindi pumapasok sa utak ang inaaral, hindi rin maintindihan subalit kahit medyo nahihirapan, hindi umayaw at nagpatuloy. Ilang sandali pa at dahil palalim na ang gabi, napagpasyahan ko nang matulog.