Biyernes, Hunyo 30, 2017

54. June 2017 Journal (Day 1613-1642)

June 01, 2017
Thursday
Year V-152

10E-U. Nakangiting umaga ang sumalubong sa aking pagmulat sapagkat huling araw na ng aming internship sa TAHANAN at nakakatuwang isipin na sa wakas, nairaos din ang isang OJT at dalawa na lang na siyang aking ipinagpapasalamat. Hindi ko akalain na ganung kabilis ang panahon, parang dati lang nang kakapasok pa lamang namin, tapos ngayon ay magtatapos na't nakaka-overwhelm. Dahil may gaganaping Farewell Party mamaya bilang pamamaalam sa isa't isa, hindi ko inagahan sa pagpasok at dakong Alas-nuebe na nakarating sa rehab. Saktong nagsimula na ang Spiritual Counseling na pinangunahan ni Kuya Ralph at nang makaalis ang mga Kliyente, saka na kami nagsimulang mag-ayos at maghanda-handa para sa gaganaping Farewell Party. Si Jacqueline ang nag-organisa ng dekorasyon at naging abala kami. Habang abala sa paghahanda, bigla nanaman akong tinawag nina Ma'am Thaline.

10E-V. Huling araw na ng aming pagkikita kaya hindi ko man gusto ay pinagbigyan ko na ang mga staff. Inayusan ako nina Ma'am Queenie at nilagyan ng kolorete sa mukha dahil gusto nilang gawin ako na tunay na babae kaso naantala nang dumating si Doctor Abay. Ang kaninang maingay at masayang paghahanda, dinaig pa ang sementeryo sa katahimikan. Todo usyoso ako habang may kausap si Doctor Abay at nang paalis na ito, saka na kami nagkainan kasama siya. Kanina pa ko nagugutom kaya halabira sa pagkuha't banat ng mga handa't sa dami ng kinain, hindi na halos makatayo sa labis na kabusugan at tila hindi na makakapaghapunan pa. Nang maubos ang mga handa't matapos ang kainan, saka lamang itinuloy nina Ma'am Queenie ang pag-aayos sa akin at habang nilalapatan ng kolorete sa mukha at ipinapahid ang lipstick sa labi, naranasan ko kung paano ayusan ang isang babae't feel na feel ko. Para akong debutante nang panahong iyon.

10E-W. Matapos lagyan ng make-up, sinuotan pa nila ako ng peluka't ipinulupot pa sa ulunan. Sa galing nilang mag-ayos, hindi ko na makilala ang sarili at gulat silang lahat lalo na si Sir Jarren. Ito naman si Limboc, walang ginawa kundi utuin ako habang anyong babae't kahit di sanay sa rampahan, rumampa pa rin ako ng bigay-todo na para bang sumasabak sa isang patimpalak. Kahit batid kong pinagkakatuwaan na nila ako, sumasakay pa rin ako, alang-alang sa gradong ibibigay sa akin ng mga staff. Bukod sa rumampa ako, kumanta rin ako kahit batid kong maaaring mayanig ang buong rehab sa tinig ko. Saka lamang nakahinga ng maluwag matapos nila akong pagkatuwaan at balik sa dating anyo. Hindi pa kami agad na umalis pagkat hinintay pa ibigay ni Ma'am Thaline ang Daily time record at Evaluation sheet.

10E-X. Habang hinihintay at dahil kaunting oras na lang ang nalalabi para makasama ang isa't isa, walang ginawa kundi Selfie and Groupie. Kahit halos dalawang buwan lamang kaming magkakasama, mami-miss ko sila ng todo lalo na ang mga staff na naging maganda ang pakikitungo sa amin pati sina ang mga taga-University of Caloocan. Kahit tapos na ang internship, sana dumating pa ang panahon na magkita-kita pa kami. Nagkaroon pa nang ilang kaganapan gaya ng sayawan at lokohan at ilang sandali pa at nang mabigyan kaming lahat ni Ma'am Thaline ng mga hinihinging DTR, saka lamang nakaalis at naging masigabo ang pamamaalam sa kanila. Magkahalong tuwa at lungkot ang naramdaman ko nang sandaling iyon. Wala pa kong balak na umuwi kaya tumungo pa ng Ever Gotesco Mall at namasyal-masyal. Bandang Alas-sais na ko nakarating ng bahay ng may saya dahil tapos na ang aming OJT. May lakad pa kami bukas kaya hindi na ko nagpuyat pa sa kung ano-ano.       


June 02, 2017

Friday
Year V-153

10E-Y. Ang dapat sana Alas-kwatro pa lamang ng madaling araw ay gising na, naging Alas-singko dahil napasarap ang tulog. Ngayong araw ang napag-usapan namin para akyatin ang Mount Balagbag, isa sa matataas na bundok sa Pilipinas at dahil Alas-siete magkikita-kita sa tagpuan, may pagmamadali sa paghahanda ng dadalhing pagkain at kakailanganing kagamitan. Umaga pa lang, ma-stress na ko habang ginagawa iyon at idagdag pa ang walang humpay na pagkuda nina Mama. Kainis at di kasi ako nagising ng maaga kaya natataranta na. Nang maihanda na ang lahat, diretso gora na ko. Eksakto Alas-siete nang makatungtong ako sa bayan ng Tungko. Sina Kuya Ralph at Hanna (Berrameda) pa lamang ang nadatnan ko sa may Jolibee. Ilang sandali pa, dumating na rin ang iba pang kasamahan at huli si Jacqueline na siyang nag-aya sa amin na mamundok.

10E-Z. Nang makumpleto na kami, bumiyahe na patungong Licao-licao. Bandang Alas-otso nang makarating kami roon at tanaw na tanaw na ang sinasabing Bundok ng Balagbag. Sa taas nito, mapapaisip kung ilang oras ang bubunuin bago mo marating ang tuktok nito. Kumain muna kami sa Licao-licao at matapos, naglakad na kami. Dahil paakyat ang daan patungo sa tuktok, bungad pa lamang ay hinihingal na at pinagpapawisan subalit nagpatuloy pa rin. Habang binabagtas namin ang paakyat na daan, manlaki ang mata pagkat bumubungad ang magagandang bulubundukin at siyudad. Maya't maya ang paghinto namin para kuhaan ng litrato. Makalipas ang tatlumpung minutong paglalakad, nang marating namin ang first entrance.

10F-A. Sabi ng mga nangangasiwa, warm-up pa lamang ang inilakad namin at may ititindi pa. Iyon pa lamang, pagod ka na't sumasakit na ang kasu-kasuan, what more kung suungin na namin ang sinasabi nila. Sa halip na panghinaan ng loob at dahil magiging challenging ito, hindi kami umayaw at nagpatuloy sa pag-akyat. Habang inaakyat ang paanan ng bundok, walang ibang ginawa kundi isipin ang inspirasyon sa buhay bilang pampalakas ng loob, makarating lang sa pinakatuktok nito. Isang oras ang lumipas at matapos ang mahaba-haba't buwis buhay na lakaran, narating namin ang Second Entrance. Wala pa kami sa pinakatuktok ng bundok subalit sa taas na rin ng aming kinalalagyan, tanaw na tanaw na ang syudad at parang mayayakap mo na ang ulap. Manlupaypay na sa labis na pagod kaya nanatili muna kami roon at nagpahinga.

10F-B.  Bukod sa amin, laking taka pagkat may asong sumunod sa amin. Heidi raw ang pangalan nito at kahit saan kami magtungo, sumusunod ito. Doon na rin kami nananghalian at matapos, tumungo kami sa kubo. Kahit tanghaling tapat na at tirik na tirik ang araw, di mo halos madama ang init nito dahil mahangin at ang lamig nito. Pakiramdam ko ng panahong iyon, para akong nasa langit pagkat parang ang lapit sayo ng mga ulap. Bandang Ala-una at nang makalikom ng sapat na lakas, lumakad na kami patungo sa tuktok. Mas matindi pa ang hirap at pagod ang dinadanas namin kung ikukumpara kanina pagkat matarik subalit dahil determinadong marating ang tuktok, walang umayaw ni isa sa amin. Matapos ang hirap at pagod at pagpawisan na rin ng husto, nagkabunga rin lahat ng iyon dahil sa wakas, narating na namin ang pinakatuktok ng Mount Balagbag. Bukod sa matatanaw ang iba't ibang lugar ng siyudad, kita rin ang iba't ibang bodies of water gaya ng La Mesa Dam, Angat Dam, Laguna Lake at Manila Bay.


10F-C. Maging magandang bulubundukin ng Sierra Madre, tanaw na tanaw at parang ka-level lang namin. Wala kang ibang mabibigkas kundi "Wow" pagkat kahali-halina ang mga tanawin at sarap kuhaan ng litrato. Pakiwaring nasa rurok ng tagumpay habang nasa tuktok at walang ibang ginawa kundi magkuhaan ng litrato. Bandang Alas-dos y medya nang mapagpasyahan naming bumaba. Sa nilayo-layo ng lakaran, bandang Alas-kwatro nang makabalik sa Licao-licao. Bandang Alas-sais naman nang makauwi sa bahay at kahit may hindi naganap dahil may sumalakay na gunman sa Resorts World na ikinasawi ng halos apat na pung katao at iniisip na kabilang sa terorismo, natutuwa at pasalamat sa maykapal pagkat walang nangyaring masama sa amin at nakauwi ng ligtas.

June 03, 2017

Saturday

Year V-154

10F-D. Saktong maliwanag na sa labas nang ako'y magising. Kahapon kami umakyat ng bundok subalit ngayon ko lamang nararanasan ang epekto nito't sumasakit-sakit ang likuran. Masakit man ang likuran, bumangon pa rin ako't nagtinda-tinda. Marahil sa una lamang ito kaya ko nararanasan ang ganito. Matapos magtinda, gawaing bahay ang inatupag ko. Masakit na ang likod kaya saglit lamang ang pagwawalis. Pagpatak ng tanghali at bukod sa sumasakit ang likod, nanamlay rin ako. Marahil ay dala lamang ng pagod dulot ng pag-akyat sa napakataas na bundok kaya ipinagpahinga ko muna ang sarili. Pagkagising, nanatiling matamlay ang pakiramdam ko't parang pagod ang mga katawan.

10F-E. Dahil sa nararanasan ko, hindi gaanong nagkikilos-kilos at madalas ay nakahiga pagkat nagbabadya ang aking pagkakasakit. Kahit nanamlay ay hindi naman nawalan ng gana sa pagkain at dinamihan ang pagkain at inom ng tubig para manumbalik ang lakas. Pagsapit ng gabi, walang ginawa kundi itutok muli ang mata sa panonood ng telebisyon kahit pakiwaring nilukuban ng lakas. Isa nanamang buhay ang nagbigay inspirasyon, hindi lamang sa akin maging sa mga manonood nang tunghayan ang kwento ng isa sa nag-uwi ng korona ng Miss Universe na si Pia Wurtzbach noong 2015. Hindi naging biro at masakit pa ang napagdaanan nito bago niya masungkit ang katagumpayan sa buhay pagkat bukod sa nambabae ang tatay nito at iniwan silang magpamilya, nakaranas siya ng panunukso nung bata pa.

10F-F. Kahit maraming tao ang walang tiwala sa kanyang kakayahan at madalas ay nakakarinig ng pangmamaliit, hindi siya nagpaapekto at naging determinado pa rin na ituloy ang laban hanggang sa heto nga at sa huli, hinirang siyang Miss Universe 2015. Painful events are the key for getting the sweet victory at marahil kung ako si Pia Wurtzbach, sobrang overwhelm ko dahil matapos ang mga napagdaanan mo na puro mapapait at mabibigat, sa isang banda ay malalasap ang matamis na tagumpay. Bukod sa nanghihina'y nagsisimula na ring sumama ang pakiramdam kaya kaagad nang natulog.


June 04, 2017

Sunday
Year V-155

10F-G. Maginhawa na ang pakiramdam ko sa aking paggising subalit nanatiling parang pagod ang katawan ko sa hindi malamang dahilan. Kahit pakiwaring nanamlay, hindi naman ako nagpanaig at itinuloy ang gawaing bahay. Nang makapawalis at punas, saka lamang sinimulan ang pagsusulat ng nobela. Nahihirapan lamang ako sa pag-iisip ng serye dahil sa iniindang pananamlay. Hindi ko na talaga kaya ang magsulat pagkat walang kasigla-sigla ang katawan at nakakawalang gana kaya itinigil ko na ang gawain at nahiga. Marahil ay epekto pa rin ito ng pag-akyat-akyat sa bundok na napakatayog kaya ito nararanasan at parang magkakasakit. Saka lamang bumangon nang tanghalian na't kahit nanghihina, sinubukan kong damihan sa pag-upak ng pagkain para manumbalik ang lakas.

10F-H. Balik ako sa higaan matapos kumain at buong maghapon naglikom ng lakas. Kahit maghapon nang nagpahinga, walang pagbabago sa pakiramdam at nanalaytay pa rin ang pananamlay. Kinagabihan, panonood muli ng telebisyon ang inatupag ko. Bukod sa nanamlay ay lalo pa kong nanamlay nang mapanood ang isang tampok na programa sa Kapuso mo Jessica Soho ang kwento ng magkambal na paslit na araw-araw na kanilang pamumuhay ay binubuno ang kalbaryo dahil magkadikit ang kanilang ulo. Napapaisip na lamang ako kung paano nakakaya ng magkambal ang maglakad o kumilos-kilos.

10F-I. Sa kabila ng kanilang kalagayan na kritikal, nakakatuwa dahil nagagawa nilang ngumiti at paligayahin ang isa't isa. Awang-awa ang loob ko sa kanila at nawa'y may tumulong sa kanila. Bukod sa kwento nang magkambal, umigting pa lalo ang habag sa dibdib nang mapanood ang mga naulila ng mga nasawi sa malagim na pag-atake sa Resorts World Manila at kahit hindi ako ang namatayan, napapaiyak pa rin dahil dama ko ang bigat na maaaring kaharapin oras na mawalan ng mahal sa buhay. Sa panahon ng kapighatian, ang pinakakailangan ay magpakatatag at isiping malalampasan din iyon. Malalim na ang gabi at hinang-hina na rin kaya daglian nang natulog.  


June 05, 2017 Monday
Year V-156

10F-J. Ngayon ang unang araw ng pasukan para sa taong ito hanggang sa susunod na taon. Dahil bakasyon pa rin namin na ngayong linggo lamang nagsisimula matapos ang aming internship, tinanghali na sa paggising. Ang kahapong matamlay at pakiwaring pagod ang buong katawan, ibang-iba ngayon na masigla. Pakiramdam ko ay parang baterya na bagong Charge lamang. Nang makapag-almusal at dahil nababagot, naisipan kong maglaba. Habang naglalaba'y lalo pang lumalakas at nakatulong din para ganahan sa ginagawa ang pag-iisip sa taong nagpapatibok ng puso at nagbibigay ng inspirasyon. Doon ko natutuhan na kapag humaharap ka sa bagay na hindi biro para sa'yo, parati lang isipin ang iyong mga inspirasyon nang sa gano'y hindi panghinaan ng loob.

10F-K. Kahit palagay ko na hanggang dito lamang ang takbo ng buhay na tila umiikot lang, umaasa pa rin na hindi lang ganito, kundi higit pa ng hindi ko inaasahan. Walang imposible sa pangarap kung susubukang abutin at sasamahan ng pagsusumikap. Kaagad din akong natapos sa paglalaba at pagtitinda naman ang sunod na pinagkaabalahan at pampalipas oras na rin. Habang nagtitinda, halos maliyo na ko sa umaalingasaw na amoy mula sa Sapa. Nag-drain nanaman pala ang babuyan at sa tindi ng amoy, kahit nakatakip na ng ilong, amoy pa rin. Naibsan naman ang amoy kinalaunan at pumalit ang preskong hangin. Kinatanghalian, walang magawa kaya iginugol ang oras sa panonood ng Telebisyon.

10F-L. Kahit tatlong araw na ang nakakaraan, sariwang-sariwa pa rin sa isip ang nangyaring pag-atake sa Resorts World at awang-awa sa mga namatayan. Bukod sa pag-atake sa isang Casino, hindi pa rin nagwawakas ang bakbakan sa pagitan ng militar at ng Maute Group sa Marawi. Sa panahon ngayon, tila natutulog ang kapayapaan pagkat kabi-kabila na ang kaguluhan dahil sa pag-atake at dalangin lamang na huwag nang lumala pa't madagdagan ang mga masawi. Ilang sandali pa, natulog muna ako. Sa tindi ng alinsangan ng panahon, sakit ng ulo ang sumagupa sa aking paggising. Walang ginawa kundi humilata pagkat sumasakit ang ulo at medyo nahihilo rin. Kahit masakit ang ulo, nagtinda pa rin ako. Kinagabihan ay pagsusulat ng kwento ang inatupag ko. Masakit pa rin ang ulo ko kaya nahihirapang mag-isip ng idudugtong na senaryo.


June 06, 2017

Tuesday
Year V-157

10F-M. Another vacation day kaya inabot muli ng pagsikat ng araw sa paggising. Walang magawa at para iwas bagot, naisipan kong maglaba. Medyo sinisipag-sipag ako ngayon kaya kahit gabundok ang labahin, makakayang tapusin. Sa dami, magkandaubos ang lakas ko sa kakakusot. Inabot din ako ng halos dalawang oras bago matapos sa paglalaba't gawa na hindi nakapag-almusal, matinding gutom ang inabot. Walang magawa kaya heto muli ako na nalilibang ang sarili sa paggamit ng Social Media at kung tutuusin ay naaadik na. Hindi baleng maaadik ako ng husto sa Internet, huwag lang sa masamang bisyo gaya ng paninigarilyo, pagiging lango sa alak at higit sa lahat, sa droga na siyang aking pinagpapasalamat pagkat hindi napunta sa ganung gawain. Maadik man ako sa laro, sa pera o sa pagkain, atlis hindi naman adik sa tatlong iyon.

10F-N. Maya-maya pa at dahil wala pang nalulutong ulam para sa pananghalian at abala ang ilaw ng tahanan sa pagtitinda, ako na ang nagprisintang magluto. Bola-bola na yari sa isda ang naisipang iluluto at naging mano-mano sa paghimay ng isda pagkat matinik. Kahit hindi naging biro ang pinagdaanang proseso, tumaas ang kumpiyansa ko sa sarili dahil nang matapos ay maganda ang kinalabasan at masarap na tipong maaadik ang sinong lumantak. Matapos mananghalian, Siyesta muli ako para makalikom ng lakas para sa maghapong gawain. Kinagabihan at gawa na hindi pa dinadalaw ng antok, pagsusulat muli ng kwento ang pinagkaabalahan. Pagsapit ng Alas-dyis nang maisipan ko ng matulog.   


June 07, 2017

Wednesday
Year V-158

10F-O. Hindi naging maganda ang gising ko ngayong umaga pagkat sinisipon. Masama man ang pakiramdam, nagawa pa ring bumangon at asikasuhin ang gawaing bahay. Nang makapaglinis at dahil wala nang ginagawa, naisipan kong magtinda. Karamihan ng mga bumibili, puro adik sa sigarilyo kaya asar na asar akong magbenta't wala nang ginawa sa araw-araw kundi magsunog ng baga. Pagpatak ng tanghali nang itinigil ko ang pagtitinda para mananghalian. Matapos mananghalian, ipinagpatuloy ko ang pagsusulat ng kwento. Medyo hindi gumagana ang utak ko dahil inaantok at hirap na hirap mag-isip, nag-siyesta muna ako. Pagkagising, bumulaga sa akin ang napakalakas na ulan at sinabayan pa ng hangin, animoy bumabagyo sa lakas ng ulan at halos Zero visibility na. Maulan ang panahon ngayon kaya katamad kumilos at walang ginawa kundi humilata ng lagay sa kama. Sa tagal ng pag-ulan, muntikan ng abutin ang kinalalagyan namin ng baha subalit humupa naman bago sumipa ang gabi. Kinagabihan at dahil nababagot kapag walang ginagawa, sinamantala ang oras sa pagsusulat ng kwento. Nang tamaan ng kaantukan, saka lamang napagpasyahang matulog.   


June 08, 2017

Thursday
Year V-159

10F-P. Kaarawan ngayon ng aking butihing ina subalit sa kabila ng kanyang kaarawan, umaga pa lamang ay umiral nanaman ang pagiging mainitin ng kanyang ulo at nakukuha pang magdabog-dabog. Hindi ko malaman kung ano ang dahilan at to the highest level na ang kanyang pagka-stress. Maaga pa at ibig ko pang umidlip, kaso baka makatikim ng pagbubunganga kaya bumangon na. Balak sana itong batiin, ang kaso ay pinanghinaan ng loob, lalo na't beast mood siya. Maraming ginagawa si Mama kaya ako muna ang nagtinda, bilang pagpapakita na marunong akong tumulong. Iba siya sa nakikita na taong idinaraos ang kaarawan pagkat na siya na dapat ay masaya, mainitin ang ulo. Inunawa ko na lamang siya at marahil ay nai-stress na sa dami ng gawain.

10F-Q. Makaraan ang ilang oras na pagbabantay sa tindahan at ang kaninang si Mama na nag-uumapaw ang pagiging high blood, biglang nagbago, iyon pala'y tapos nang magluto ng panghanda. Kanina pa namimilipit ang Sikmura sa gutom kaya agad-agad na nilantakan ang handa. Walang magawa kaya pagsusulat ng hindi matapos-tapos na nobela ang napagkaabalahan. Dahil kaarawan ngayon ni Mama, walang ginawa sa maghapon kundi lumamon at magpakabusog sa iba't ibang handa na nakahain sa mesa. Kinagabihan naman, panonood ng telebisyon ang siyang libangan ko. Hindi pa madalaw ng antok kaya heto muli ako't maglalakbay ang isipan habang nag-iisip ng seneryong idudugtong sa kwento at sa hinaba-haba't tagal na ng panahong ginagawa ko ito, I think, being a Writer is enjoyable. Bandang Alas-onse na ko natulog.  


June 09, 2017

Friday

Year V-160

10F-R. Kakatamad man ang araw na ito na dapat sana'y araw ng pagpapahinga, mauudlot sapagkat kailangan kong pumunta ng School para sa aming ikalawang sesyon ng Mock Board exam. Wala pang Alas-otso nang makatungtong ang yapak na may mahabang biyas sa paaralan. Saktong mangilan-ngilang kamag-aral at kaeskwela ko pa lamang ang nadadatnan at gawa na hindi pa nagsisimula, walang ginawa kundi hanapin ang mga kaibigan pati na rin siya. Hindi naman ako nahirapan at kaagad na nasumpungan sina Eloisa. Pagpatak ng Alas-otso at kami na pakalat-kalat, nagsipasukan na sa kanya-kanyang silid. Hindi pa dumarating ang mga taga-Top Rank na magpapa-exam sa amin kaya sa halip na magsimula, nauwi muna sa Orientation na pinangunahan ni Sir Ronan. Matapos ang orientation, pinayagan kami ni Sir na kumain muna. Wala akong gana ngayong araw at dala na hindi nagugutom, hindi sumabay kina Nikki na kumain.

10F-S. Pagkabalik ng silid, nagitla ang kalooban pagkat nandoon na ang mga taga-Top Rank at nagsimula na ang pagsusulit. May Sitting Arrangement na't nakakahiya naman kung makikigulo kami kaya napagpasyahang lumipat ng ibang silid. Pagkalipat, saktong hindi pa nagsisimula. Walang ginawa kundi magtsikahan sa isa't isa. Ilang sandali pa nang pumasok ang Facilitator at nagsimula na ang Mock Board Exam. Tinuruan muna kami kung paano ang magsagot at kahit hindi pa binabasa, mahihirapan ka ng lubos at ikasasakit pa ng tuktok, hindi nga ko nagkamali't sa halip na identification ay puro situational ang lumabas. Maigi na lamang at may katiting pa kong naaalala sa tinuro at iyon ang ginamit para makasagot ng tama. Ganito pala ang Board Exam sa Psychology at dibdibang pagrerepaso ang kakailanganin kung ibig mong makapasa.

10F-T. Hindi naman ako nahirapan sa Theories of Personality pero pagdating ng Abnormal Psychology, inakala kong gamay na gamay ang asignaturang iyon subalit halos mangamote sa hirap at karamihan dun, hindi pa naituturo. Idagdag pa ang ingay ng mga kasamahang kumukuha dahil sa kawalan ng Facilitator at sa ingay at gawa na naiirita, lakas-loob akong nagsumbong sa mga Facilitator. Tumahimik naman ng magkaroon muli ng Facilitator.  Suko na talaga at sumasakit na ang bungo kaya kahit mahaba pa ang oras, minani-mani na. Matapos kumuha ng Mock Board Exam na pang-Board Exam na talaga at dahil kaarawan ngayon ni Eloisa na tiyak na manlilibre ang lola mo, sa halip na umuwi at kasama sina Nikki at Ate Charm bukod sa kanya, nagtungo muna ng Fairview Terraces. Hindi ko alam kung bakit ang lakas ng trip nila at tuwang-tuwa sa akin.

10F-U. Halos kabagin na ang Sikmura pagkat walang ginawa kundi maghagalpakan ng husay. Sa Jolibee namin naisipan mananghalian at talagang nagpakain si Eloisa sa amin ng Family Spaghetti. Labis na nabusog ang Sikmura ko pagkat bukod sa kinain na order ay doon pa sa libre ni Birthday girl at mistulan na kaming nagsi-celebrate. Napasarap ang kwentuhan namin kaya hindi namamalayang tatlong oras na kaming tumatambay sa Jolibee. Ilang sandali pa'y nagpaalam na sina Nikki at Ate Charm sa amin. Ibig ko na rin sanang umuwi pagkat namamayani na ang antok sa mga mata, kaso wala pang balak si Eloisa at nagpapasama siya sa 'kin. Kaarawan naman niya kaya pinagbigyan ko na. Bandang Alas-kwatro nang maisipang umuwi. Kinagabihan, paggawa muli ng kwento ang pinagkaabalahan. May kalaliman na rin ang gabi nang mapagpasyahang matulog.     


June 10, 2017

Saturday
Year V-161

10F-V. Ang kagabing nuknukan sa alinsangan, kabaligtaran naman ngayong madaling araw na maulan. Ganap nang sumapit ang Alas-sais subalit madilim-dilim pa rin ang kalangitan at tuloy-tuloy ang pag-ulan. Kahit masungit ang lagay ng panahon, hindi naman nito napigil ang balak ko na maglamyerda't matapos mag-almusal, kaagad na kong nagbihis. Sa Robinson doon sa Montalban ko naisipang magtungo. Habang naroroon, sinamantala ko ang oras sa pagsusulat ng kwento. Medyo naengganyo lamang sa pagsusulat kaya hindi namalayan ang takbo ng oras. Pagkatapos, tumungo naman ng National Bookstore at nagbasa-basa ng kung ano-ano. Dami ko lang tawa sa libro na President Vice na inilathala mismo ni Vice Ganda pagkat puro kabalbalan ang laman at panukala kapag siya ang maging pangulo.

10F-W. Sa kakatawa, halos kabagan na't magmukhang tanga roon. Ibig ko sanang bilhin ang librong iyon, ang kaso'y walang pera. Kumain muna ako't dahil wala pang balak umuwi, tumungo pa ko ng Ultra Mega sa San Isidro. Naipit lamang sa trapik kaya medyo natagalan bago makarating doon. Pagkatungtong at ang Ultra Mega na inakalang mall, nagkakamali pagkat isa lamang itong supermarket. Hindi na ko pumasok doon pagkat wala namang mapagtatambayan. Ganap ng sumapit ang Alas-dos kaya napagpasyahan ng umuwi.

10F-X. Pagkarating ng bahay at gawa na tinamaan muli ng gutom sa Sikmura, diretso meryenda ako't iyon ay Peach Mango Wallnut Cake na bili ng ate. Sa sarap at hindi pa nakakaumay, parang magagawang lantakan kahit buo pa. Kinagabihan at dahil nababagot pagkat nakatunganga lamang, panonood ng telebisyon ang napaglibangan. Medyo kakaiba ang natunghayang kwento sa Maala-ala mo kaya pagkat tungkol iyon sa isang babae na nagngangalang Rose na may malapad na pangangatawan at iyon ang naging hadlang para makadekwat ng kasintahan. Dahil sa kanyang katabaan at nawawalan na ng pag-asa sa buhay pag-ibig, naisipan niyang gamitin ang Social media para sa pagpapanggap.

10F-Y. Hindi naman siya nabigo sa pagpapanggap at nagkaroon nga ng Boyfriend subalit ang problema, hindi sila legal na nagkikita at sa Facebook lamang nag-uusap dahil baka mabuko. Sa bandang huli at nang matuklasan ng lalaki na si Josh, labis na nagsisisi si Rose dahil nasaktan niya ito dulot ng panloloko't parang gumuho ang buhay pag-ibig niya. Dahil doon, may aral muli akong napulot at huwag gumawa ng bagay na tingin mo balang araw ay pagsisihan ng husto sa bandang huli. Nagkahiwalayan man sila ni Josh, sa kabila ng kanyang pangangatawan, nakahanap naman ito ng makakatuwang sa buhay.      


June 11, 2017

Sunday
Year V-162

10F-Z. Napasarap muli ang tulog ko ngayong bakasyong grande at araw pa ng Linggo kaya tinanghali na sa paggising. Walang magawa at para iwas-bagot, nagtinda-tinda ako. Dahil may lamay na hindi kalayuan sa amin, naging malakas ang bentahan, iyon nga lang ay masasamang bagay gaya ng sigarilyo at alak. Naiinis man sa sarili, ipinagpatuloy ko pa rin. Habang nagtitinda't hinihintay na dumating ang mamimili ay nagsulat-sulat ng kwento bilang libangan. Walang ginawa sa buong umaga kundi magtinda't magsulat ng kwento. Tinamaan muli ng gutom sa sikmura gawa na hindi pa nakakapag-agahan kaya itinigil muna ang pagtitinda at kumain. Panahon na ng tag-ulan, nanatiling maalinsangan pa rin ang tanghali. Walang magawa at gawa na nakakatamad ang kumilos-kilos, nag-siyesta muna ako.

10G-A. Nagising na lamang sa ingay dulot ng mga naglalamay na walang sawa kung magsugal. Hindi naman masama kung libangin ang sarili diyan, ang masama ay nawawalan ka na ng oras para sa mahahalagang bagay at nagagawa nang magsayang ng pera. Pagpatak ng gabi, kinurot ang dibdib ko nang matunghayan ang isang programa sa Kapuso Mo Jessica Soho, tungkol iyon sa isang bata na napawalay sa kanyang magulang ng napakahabang panahon at ang nakakatuwa pa, banyaga ang kumupkop sa kanya. Makaraan ang tatlumpung taon at matapos ang pakikipagsapalaran niya sa paghahanap sa tunay nitong magulang, sa wakas ay nagtagpo na rin sila at nakakaiyak. Gaanoman katagal ang panahon, makakamtan din ang hinahangad basta't huwag mawawalan ng pag-asa. Hindi pa makatulog gawa na nuknukan ng ingay sa aming kapaligiran kaya gawa muli ng kwento. Hinintay ko pang dumapo ang antok sa mga mata bago matulog.


June 12, 2017

Monday
(Independence Day)
Year V-163

10G-B. Ginugunita nanaman ang araw ng kasarinlan at nakakalungkot isipan na sa kabila na daang-taon na tayo malaya mula sa pananakop, hindi pa rin tunay na malaya pagkat bihag pa rin tayo ng mga problemang araw-araw ay kinakaharap. Tapos ngayon, hindi pa natatapos ang gulo sa Marawi at habang tumatagal ay parami na ng parami ang mga sundalong nasasawi. Hanggang kailan kaya mapapalayas ang mga Maute, nang sa ganon ay magwakas na ang kaguluhan at matuldukan ang panganib sa bawat isa. Nakakabilib lamang sapagkat sa kabila ng mga panganib, may mga tao pa ring handang humarap at isakripisyo ang buhay, maipagtanggol lang ang bayan. May mga tao pa ring matatapang subalit ang pinupunto ko lang, yung nilulugar ang katapangan.

10G-C. Maliwanag na sa labas nang ako'y magising at gaya ng mga nakalipas na nakalipas na araw, pagtitinda muli ang inatupag ko. Kahit holiday ngayon at walang pasok, matumal pa rin ang bentahan. Pagsapit naman ng tanghali nang itigil ko ang pagtitinda at panonood ng telebisyon ang inatupag. Ngayong araw ng kalayaan, sana mapalaya na ang Marawi sa kamay ng mga walang hiyang Maute Group. Kinahapunan, walang magawa kaya pagsusulat ng nobela ang pinagkaabalahan ko. Maging sa gabi at dahil medyo sinisipag, pagsusulat din ng kwento ang napagkaabalahan. 

June 13, 2017
Tuesday

Year V-164

10G-D. Saktong kakasikat pa lamang ng araw nang magmulat ang mga mata subalit dahil tinatamad pang bumangon, hinintay ko munang tumirik nang husto ang Haring araw bago mapagpasyahang bumangon. Nang makapagligpit ng pinaghigaan, pagtitinda muli at pagsusulat ng kwento ang inatupag. Magpapa-test pala kami ng Client ngayong araw sa TAHANAN kaya pagpatak ng Alas-dyis, nagbihis-bihis na ko. Wala pa palang Testing Materials kaya tumungo muna ng School para magpa-zerox niyon. Pagkatungtong, hindi pala available at nagsayang lamang ng pamasahe. Hinanap ko pa sina Eloisa at kinalaunan, nasumpungan ko rin sila. Sinamahan ko sila sa kainan at pagkatapos, tumungo ng library at nagpalitan ng kuro-kuro.

10G-E. Kami-kami lamang ang naroroon at ang lamig at tahimik pa kaya sarap tumambay at matulog. Hindi na natuloy pa ang pagtungo namin sa QCADAAC para magpa-test ng Client kaya nanatili na lamang sa library. Ilang sandali pa, sinamahan ko sina Eloisa at Hanna para magpa-enroll. Hindi lamang pinayagang makapasok doon pagkat nakasibilyan lamang, hinintay ko silang matapos. Sa halip na umuwi at kasama si Eloisa ay tumungo pa ng Fairview Terraces at nagpalamig. Pagpatak ng Alas-singko, nagpaalam na ko sa kanya. Kinagabihan at dahil walang magawa, pagsusulat muli ng kwento ang napagkaabalahan. May kalaliman na ang gabi nang mapagpasyahang matulog.      


June 14, 2017

Wednesday
Year V-165

10G-F. Inabot nanaman ng liwanag sa labas sa paggising. Nang makapag-agahan, heto muli ako sa pagbabantay sa tindahan. May katumalan ang mga bumibili kaya sinamantala ang oras sa paggawa ng kwento. Medyo nakakakilig ang naiisip na mga eksena kaya ganadong-ganado sa pagsusulat ng kwento. Dahil magsasagawa pa ng pagsusulit para sa mga client, pagpatak ng Alas-onse, tumungo ako sa rehab. Pagkatungtong ng TAHANAN, wala sina Ma'am Thaline at sarado ang office. Hindi muna ako kaagad na umalis at inalam kung nasaan sila. Nakakayamot lamang pagkat nagpunta sa wala. Wala pang balak na umuwi kaya tumungo ng Computer shop.

10G-G. Makaraan ang dalawang oras, halos matusta na sa tindi ng nararanasang init hatid ng sinag ng araw habang naglalakad kaya naisipang magpalamig. Sa layo ng nilakad at idagdag pa ang nagngangalit na alinsangan, pagudan akong tumungtong ng bahay. Sa init ng panahon, umulan pagsapit ng dapit-hapon na sinabayan ng pagkulog-pagkidlat kaya dumagundong nanaman ang takot sa dibdib at pagpawisan sa labis na pagkabalisa. Kahit bumuhos ang ulan, parang hindi nabawasan ang init at ibig maligo. Pagpatak ng gabi at dala na hindi makatulog dulot ng ingay ng mga nagsusugal, heto muli sa pagsusulat ng kwento, bilang libangan na rin at pampaantok. Ilang sandali pa, inihimlay ko na ang sarili sa katre.  


June 15, 2017

Thursday
Year V-166

10G-H. Maaga nanaman pala't muling sumilay ang haring araw kaya kailangan muling bumangon at magbanat-banat ng katawan. Masigla ako ngayon araw kaya naisipang maglinis sa loob ng bahay, para bukod sa maipakita ang silbi ay may mapagkaabalahan din. Nang makapaglinis, pagtitinda ang sunod na inatupag at pagsusulat ng kwento. Iyon lamang ang inatupag sa buong umaga. Pagsapit ng tanghaling tapat, dama nanaman ang maalinsangang panahon at tila naghahakot ng ulan. Hindi nga ko nagkamali at pagpatak ng hapon, nagkabunga rin ang matinding init dahil nagbabadya nang umulan. Kahit nagdidilim ang kalangitan, lumabas pa rin at tumungo ng Computer shop pagkat ako'y nababagot.

10G-I. Kung kailan nasa shop na ako'y bumuhos na ang napakalakas na ulan. Nakakagitla lamang dahil bukod sa malakas ang ulan at sinasabayan ng malalakas na hangin, umulan pa ng yelo. Sa dami ng mga nagbabagsakang yelo, halos mabutas na ang bubungan dahil sa lakas ng hampas ng tipak nito. Animo'y bumabagyo na ng mga oras na iyon. Matapos magkumpyuter at dumaan ang matinding unos, tumambad ang mga nagkalat na mga dahon at mga basurang inanod ng baha. Sa panahon ngayon ng tag-ulan, tila kailangang maging handa palagi't mag-ingat. Kahit paano'y nabawas-bawasan ang init matapos umulan ng malakas at may kasama pang yelo. Alas-singko na nang makarating sa bahay at diretso panood ng telebisyon. Kinagabihan ulit, paggawa ng kwento ang inatupag. Heto nanaman at magtitiis sa ingay ng mga naglalamay at hirap kuhain ang masarap na pagtulog.


June 16, 2017

Friday

Year V-167

10G-J. Maaga akong nagising pagkat ngayong araw na mag-e-enroll at may case presentation pa. Bandang Alas-dyis nang makapihit ang yapak sa eskwela. Bago mag-enroll ay binigyan ko muna ng oras ang sarili ko para makapag-isip-isip kung anong maging magandang schedule. Kakaunti na lamang ang subject ngayong semester kaya napagpasyahan kong isabay na ang dalawa pang natitirang Practicum, nang sa ganoon ay maging ganap ng Octoberian. Nang buo na ang aking loob, tumungo na sa Enrollment area. Hindi pa nila pinayagang magpa-enroll at kailangan pang puntahan ang mga Psychology Professor para magpa-advice. Saktong si Ma'am Ria ang naging adviser ko't naasar lamang ng kaunti pagkat hindi pinayagang isabay ang mga practicum sa mga subject, kahit iilang units na lang. Inalam ko ang dahilan, pero ang nangyari ay si Mara ang pinagpaliwanag niya. Duda ako sa mga sinasabi ni Ma'am kaya naisip na mas maiging si Sir Ronan na lamang ang kausapin, kaso tila napasama pa kay Ma'am Ria ang sinabi ko't masyadong pakilamera kaya banas na banas na ko. Kahit na ganoon ang naging pasya ni Ma'am, hindi na nakipagtalo pa't tinanggap.

10G-K. Malaman-laman ko lang na may pinayagang mag-intern, sa kabila na mas marami pang units kumpara sa akin, hindi magdadalawang isip na isumpa siya. Pakiramdam ko'y hindi fair makipag-usap si Ma'am Ria pagkat favoritism ang nagaganap subalit mas maigi kung maninigurado muna. Habang umuusok ang ilong sa inis, ang pagdating naman ni Sarlyn. Hindi maganda ang ibinalita nito sa akin pagkat nanakawan daw ito. Sa panahon na kaliwa't kanan na ang mga kawatan, kailangan ng ibayong ingat para walang pagsisisi sa huli. Pasalamat na lamang at hindi namin sinapit ang sinapit nila at nakakapanlumo kung iisipin. Ilang sandali pa, tumungo na kami ng Faculty at saktong naroroon na si Sir Ronan. Kaagad ko na itong kinausap patungkol sa pagkuha ng dalawang practicum, kaso naging makulit ito sa pagsagot at hindi mo mawari kung ano ba talaga hanggang sa sabihin niya na kailangan daw kausapin si Sir Max.

10G-L. Pareho kami ng kaso ni Sarlyn hinggil diyan kaya tumungo ng Dean's Registrar Office. Pagkatungo ay gulat kami pagkat ang haba ng pila't daming kakausap kay Sir Max. Malayo-layo pa kami't mukhang aabutin ng siyam-siyam kapag maghihintay pa kaya umalis na kami para paghandaan ang isasagawang case presentation. Saktong naroroon na sina Eloisa at pagsapit ng Alas-tres, sumalang na kami sa Case presentation. Sina Ma'am Ria at Sir Ronan lamang ang naging panel at daming halakhak pagkat sadyang mapagbiro si Sir. Panay pagbibiro si Sir Ronan na tipong dinaig pa ang payaso, kaya ang kabang nanalaytay, tila bulang naglaho. Habang isinasagawa ang case presentation ay walang ginawa kundi lakasan ang loob sa pagsasalita kapag tinatanong. Hindi naman naging ganong seryoso ang Case Presentation kaya labis ang aming enjoyment habang nakasalang pero si Ma'am Ria, walang ginawa kundi pagkatuwaan ako't bawing-bawi siya sa akin.

10G-M. Natapos ang Case presentation ng may gaan sa kalooban at walang napaihi sa labis na kaba. Matapos ay pumila kami sa may Dean's Registrar Office. Isang oras din ang inabot nang sa wakas ay nakausap na si Sir Max at idulog sa kanya ang aking kahilingan. Maging ito ay napansing kakaunti na lamang ang subject ko kaya pumayag na itong kuhain ko na sa kondisyong may letter at inaprubahan ng aming head department na si Sir Ronan at kailangan ay dumaan sa evaluation. Pambihira't mukhang mahaba-habang prusisyon ang tatahakin bago matupad ang gusto subalit hangga't may nakikitang paraan, hindi ako titigil. Matapos namin mag-usap ni Sir Max ay tumungo na ng registrar office para magpa-evaluate at magpa-enroll na rin.

10G-N. Naging praktikal ako sa pagpili sa kagustuhang maging maganda ang Schedule, kaso ang problema'y close ang iba't hindi makuha. Sa huli'y hindi rin nasunod ang ibig na maging Schedule at watak-watak ang oras ng mga subject. Matapos ang maghapong nasa School, sa wakas ay nakauwi na rin. Kinagabihan at dala na walang magawa't kakasawa ng magsulat ng kwento, pakikipagtiktikan sa mga kaibigan ang inatupag ko.  Napasarap ng husto ang pakikipagtiktikan kaya hindi namamalayan ang pagpatak ng Alas-dyis. Maaga pa magigising bukas kaya agad nang natulog.   


June 17, 2017

Saturday
Year V-168

10G-O. Inagahan ko ang paggising dahil tutungo ngayon sa School para magpasa ng request letter sa aming head professor na si Sir Ronan. Sa sobrang trapik, bandang Alas-siete na nakarating at dagliang nagtungo sa may Faculty. Nginig ang dibdib ko pagkat saktong si Ma'am Ria ang nadatnan at sinabi nito na mamaya pa raw ang dating ni Sir Ronan, naghintay pa ko. Wala akong makausap ng mga ding iyon at nakakabagot. Mabuti na lamang at nakita ko sina Jona Vee at nakisama sa kanila. Habang napapasarap ang aming palitan ng kuro-kuro, nagningning ang umaga ko't biglang nagkakulay ang araw pagkat kasama pala nito si Jed na kakalabas lang ng faculty. Madaldal akong nilalang pero halos hindi makapagsalita nang makaharap ito't parang tumigil ang mundo. Bukod sa nagkakulay ay umigting ang kilig sa dibdib nang kausapin nito. Ang seryoso naming pag-uusap, nauwi nanaman sa lokohan. Sa tagal na hindi kami nagkikita, walang pagbabago't malakas pa rin mang-trip.

10G-P. Nag-uumapaw ang tuwa sa dibdib nang sandaling kasama ito at kausap subalit hindi rin nagtagal ay umalis na sila para magpa-enroll. Saktong pagkaalis nila ang pagdating naman ni Pamela. Halos isang taon na ring hindi nagkikita kaya limpak-limpak ang aming kwentuhan sa isa't isa. Sa sarap nitong kakwentuhan kasama ang kapatid nito, siya ang nag-alis ng pagkabagot habang hinihintay si Sir. Ilang sandali pa at nang sa wakas, dumating na rin si Sir Ronan at agad itong nilapitan para magpasa ng letter at kumbinsihing payagang kumuha ng dalawang natitirang practicum, kahit may mga subject pa ngayong semester. Nalugmok ng husto ang kalooban nang tinanggihan nito ang pakiusap ko.

10G-Q. Lakas loob pa rin akong nakiusap at nagpaliwanag, nagbabasakaling baka mapakiusapan pa subalit buo na talaga ang loob nito. Wala akong nagawa kundi tanggapin na lang ang kanyang pasya kaysa naman makipagtalo pa. Hinang-hina ako't nanghihinayang sa naging resulta ng aking pagkukumahog pagkat walang napuntahan. Pipi na ang kanya-kanyang mga bituka sa gutom kaya kasama sina Pamela, kumain muna kami. Dahil mapera ang magkapatid, sa Chowking naisipang kumain, ang nakakatuwa pa'y nilibre nila ako't nakaka-goodvibes, kahit dismayado ako. Sa sobrang pagkadismaya'y napagpasyahang umuwi na lamang. Biguan ako nang panahong iyon kaya dagliang tumulog sa halip na mananghalian pagkaapak sa bahay.

10G-R. Pagkagising, kaagad naman natanggap ng loob ang naging pasya nang mapagnilay-nilayan na hindi na talaga maaari ang mga bagay-bagay na hinahangad. Walang magawa kaya pagtitinda ang inatupag nang hapong iyon at nagsaing. Habang aligaga sa pagsasaing, aksidenteng nakabig ang plato't nabasag. Naasar lamang ako kay ate pagkat habang pinupulot ang piraso-pirasong nabasag na plato, panay paulan ito nang salitang hindi naiibigan ng loob. Sa yamot, hindi ko na napigilang magdabog at ibig ihagis sa harapan nito ang fragments subalit at pasalamat na lamang siya at kinikilalang nakakatandang kapatid. Dahil sa nabasag na plato na hindi naman sinasadya, nagsagutan kami. Ayaw ko nang humaba't lumaki pa ito kaya hindi na lamang pinatulan ang mga sinasabi nito. Kinagabihan at dahil huling lamay na ng patay sa amin, naging maingay ang kapaligiran dulot ng mga nagsusugal. Malalim na ang gabi subalit hindi pa rin makuha-kuha ang masarap na tulog dahil nuknukan sa ingay.        


June 18, 2017

Sunday

(Father's Day)
Year V-169

10G-S. Araw ng lahat ng mga ama sa buong Mundo na walang sawa't kapaguran sa pagkayod, maitaguyod lang ang pamilya sa pang-araw-araw na pamumuhay. Tunay ngang hindi matatawaran ang kanilang pagiging ulirang magulang ng mga haligi ng tahanan, maipalasap lamang ang pagmamahal sa anak na hindi mapapantayan ninuman maliban sa ina. Sa dami ng mga naglalaro sa aking isipan, hindi akalaing matatapos na ang mga maliligayang araw pagkat may pasok na kinabukasan. Pagkagising at almusal, kaagad nang inasikaso ang mga uniporme't pinalantsa. Maging sapatos ay nilinisan para kaaya-ayang tingnan at ligtas sa kahihiyan kapag pumasok lalo na sa mata ng taong pinipintig ng puso. Matapos asikasuhin ang mga kakailanganin para sa pasukan, nilibang ang sarili sa pagsi-Cellphone. Medyo kumakalam na ang sikmura subalit hindi muna kumain pagkat hinihintay pa ang inorder ng ate.

10G-T. Bandang Alas-dose y medya na dumating ang mga Delivery Boy at manlaki ang mata pagkat ang sarap ng aming pananghalian na Bake Salmon. Amoy pa lamang, masarap na't dahil unang beses pa lang makatikim ng ganung putahe, naging espesyal ang aming pananghalian. Habang nalantak, pakiwaring mayaman ka at naparami ang banat dala na ito'y nag-uumapaw sa sarap kaya nabusog ng husto. Bukod sa inorder ng ate na Bake Salmon ay may Cake pa. Naganap ang Family bonding dahil sa mga pagkaing bihira lang dumapo sa Sikmura at ang saya-saya ng Father's day kahit hindi ako ang ama. Balik sa dating gawi matapos ang kasiyahan sa pagkain. Kinahapunan, nababagot ako kaya tumungo ng computer shop. Medyo nalibang-libang ako kaya inabot na ng Alas-sais ng gabi sa pag-uwi. Kinagabihan, laking pasalamat pagkat nakamtan na rin ang katahimikan. Matahimik nga subalit dama ang maalinsangang panahon. Hindi ko rin mapigilang masabik para sa pagbabalik-eskwela bukas kaya lalong hindi makatulog.  


June 19, 2017

Monday
Year V-170

10G-U. Unang araw ng aming pasok para sa taong ito at kahit mamayang Ala-una pa ang simula ng aking klase, maaga pa lamang na tipong hindi pa namamayagpag ang haring araw ay gumising na ko para asikasuhin ang watak-watak at magulo kong Schedule. Bandang Alas-siete na ko nakatungtong ng paaralan at saktong papasok pa lamang si Sir Max kaya sinundan na ito hanggang Dean's registrar office. Nang makaharap na ito, sinabing mamaya pa raw ito pwede kausapin pagkatapos ng lunch break. Nasayang lamang ang pagpunta ko ng umaga kung mamayang hapon pa pala ito pwede't mahaba-habang pasensiya ang kailangan sa paghihintay. Mabuti na lamang, nandoon sina Bonna at Marla kaya hindi naman nababato sa kakahintay. May katagalan pa bago ko makausap si Sir Max kaya naisipang maki-sit-in sa kanilang klase. Habang tumatagal ay naiisip ko na humahaba na ang pila sa Registrar at para hindi na papilahin pa pagkat follow-up na lang kung sakaling mapirmahan ni Sir ang request letter at papuntahin sa Registrar office, pumila na ko.

10G-V. Halos isang oras ang dumaan, bago makarating sa evaluator. Magpapalit na sana ng schedule, nagbabakasakaling pwede naman, kaso kailangan ko talagang dumaan kay Sir Max. Saktong naroroon sina Maan at nabuhayaan ng loob dahil mukhang magkakaroon ng pag-asa na makapag-OJT ako ngayong semester kung sasali ako sa kanilang petisyon at ilalakad kay Dean. Kinakabahan lamang pagkat mukhang mauuwi sa kilos-protesta, mapayagan lang mag-intern. Matapos namin mag-usap at dahil mamayang hapon pa ang klase, nagtungo muna ng library. Ilang sandali pa, natuwa ako nang biglang dumating si Nikki at non-stop muli sa tsikahan. Maya-maya'y sinamahan ko siya sa pagtungo sa Faculty room para kausapin si Sir Jigo kaso day off raw nito sabi ni Ma'am Ria muli, walang ginawa kundi mag-abang.

10G-W. Pagpatak ng Alas-dose, tumungo na kami ng Dean's Registrar, nagbabakasaling pwede nang makausap si Sir Max subalit wala ito. Kahit mukhang nagiging alanganin at paasa ang mga secretary, hindi pa rin nawawalan ng pag-asang makakausap ito at sa totoo lamang, kinakabahan sa magiging pasya niya. Lumipas ang isang oras, sa wakas ay nandoon na si Sir Max at pumila na. Sa laki ng problemang idinudulog kay Sir at dami ng dapat mapag-usapan ng mga nauna sa akin, inabot ng dalawang oras bago ako papuntahin ng secretary sa kanya. Diretso paliwanag ako ng dahilan kung bakit ibig baguhin ang schedule.

10G-X. Lubos akong hindi makapaniwala pagkat wala nang ano-ano pang pumayag ito't hindi na kinailangan pang ibigay ang Request letter para papirmahan at dagliang kinuha ang registration card para mapalitan na ang schedule. Nang mapalitan ang aking schedule sa bawat asignatura, magkahalong tuwa at dismaya ang naramdaman. Natutuwa ako dahil hindi na watak-watak ang oras ng aking mga subject subalit inilagay naman niya sa panghapon ang lahat ng mga ito at gabi na ang uwian ko na siyang aking ikinadidismaya. Balak ko pa sanang ipa-reschedule muli pagkat hindi naiibigan ang pagkakaayos ng schedule, kaso nahihiya na ko. Kahit na ganon, ang mahalaga'y hindi na mahaba ang Vacant time ko gaya ng nauna at nagkabunga rin kahit paano ang aking pagkukumahog at tiyaga.


10G-Y. Kapag may tiyaga talaga, may nilaga gaya ng nangyari sa akin ngayong araw at ang gaan sa pakiramdam. Bago ako umalis ng paaralan, sinamahan ko pa si Nikki para kausapin si Sir Jigo at nang makausap ito, saka lamang umalis. Wala pang balak umuwi kaya tumungo ng computer shop. Habang nagkukumpyuter ang biglang buhos ng malakas na ulan. Sinabayan pa ng nagtatalimang kidlat at malagranadang dagundong ng kulog kaya maya't maya akong napapagulantang at namamayani na ang takot sa dibdib. Napapansin ko at habang tumatanda ako, parang lumalala ang Phobia sa dalawang elemento. Saktong tumila na ang nakakagimbal na unos nang maisipang mag-log-out. Kinagabihan at dala ng pagod sa maghapong pakikibaka, kaagad nang natulog.    

June 20, 2017

Tuesday
Year V-171

10G-Z. Hindi ako makatulog sa hindi maipaliwanag na dahilan at para bang ang sigla-sigla ng nasa dibdib ko. Gawa na tila hindi naman naramdaman ang antok, Alas-sais pa lamang ng umaga, bumangon na't nag-almusal. Wala naman gasinong gagawin sa bahay at kahit na mamayang hapon pa ang pasok, Alas-nuebe pa lamang nang umalis ng bahay at tumungo sa School. Pagkatuntong ay diretso library ako't sinamantala ang oras sa paggawa ng nobela. Habang aligaga sa paggawa ng nobela ang pagdating nina Christine Joy. Medyo nahumaling ako sa pakikipagkwentuhan sa kanila lalo na't si Crush ang laman ng usapan kaya itinigil muna ang pagsusulat ng kwento. Pagpatak ng Alas-onse at dahil may klase pa si Christine Joy, umalis na ng library. Mamaya pang Ala-una ang first subject kaya naki-sit-in muna ako sa klase nito sa Dash 3. Laking gulat ko pagkat halo-halo ang laman ng seksyon na 'yon at hindi ko maramdamang nasa ganong dash.

10H-A. Dati kasi at karamihan sa mga regular student, kung anong dash ang pinasukan, doon pa rin sa susunod na semester kaya makikila kung saang seksyon nabibilang, subalit ngayong semester, halo-halo na, hindi lamang sa Dash 3 maging sa ibang dash. Nagsitahimik ang kaninang nababalutan ng kaingayan ang buong klase nang pumasok si Ma'am Joyce. Current Issue ang klase nila ngayong oras at saktong siya ang professor. Kasama nito ang maliit na anak kaya naging makwela ang klase dahil sa kanya't kahit may kakulitan ay matutuwa ka sa halip na mairita. Maya't maya ang hagalpakan sa tuwing may gagawin ang anak nitong si Princess. Sa halip na magklase ay nag-orient lamang si Ma'am. Mukhang magiging matrabaho ang subject na 'yon para sa kanila pagkat ang gagawin ay magka-conduct ng seminar at mag-i-invite ng mga Psychologist gaya nina Doctora Camille Garcia at Randy Dellosa para maging speaker.

10H-B. Kahit na ganon ay mukhang magiging interesting at exciting naman. Hindi rin nagtagal ay dismissal time na. Bandang Ala-una nang magwakas ang pagiging sit-in ko't Clinical Psychology ang sumunod na asignatura at si Sir Juangco ang professor. Gaya ng naging professor ito sa Industrial Psychology kapag unang pagkikita, isa-isa kaming nagpakilala at sinabi kung ano ang expectations. Habang naglalahad ng kanya-kanyang expectations, hindi mapigilang maghagalpakan at ang saya. Nang ako na'y nilakasan ang loob na makiharap sa kanila't magsalita. Lalong lumigaya ang araw dahil napasaya ko sila kahit mukha nang loka-loka sa pinagsasabi. Nang magpakilala ang lahat, saka lamang sinimulan ni Sir ang pag-orient.

10H-C. Napakarami talagang bagay ang matutuhan sa kanya na maaring makatulong sa pang-araw-araw na pamumuhay para mapaayos at ganda. Sumunod na klase ay Social Psychology at dahil hindi raw makakapasok si Ma'am Joyce gawa na ito'y abala, mistulang bakante ang oras. Walang magawa kaya ipinagpatuloy ang pagsusulat ng nobela. Kinalaunan at kung kailan abala sa pagsusulat, saka lang nagkaroon ng kahuntahan. Gulat lamang ako pagkat babae siya at magandang mestisahin subalit panlalaki ang pangalan. Jed (Fineza) ang pakilala nito sa 'kin at dahil second name niya lang iyon, gusto ko siyang tawagin sa first name niyang Chryselle pagkat parang ang awkward, lalo na't kapangalan nito ang crush ko subalit gusto niya talaga ang pangalan na iyon at ipinaliwanag naman niya kung bakit.

10H-D. Masaya siyang kausap at kahit iisiping malayong-malayo ang personality nito kay Jed (Cajolo), habang tumatagal ay unti-unti kong nakikita na may pagkakahawig sila sa ilang katangian. Ilang sandali pa, lumabas na kami ni Jed at nagpaalam sa kanya. Tumungo ako ng library at saktong naroroon sina Hanna (Berrameda and Bernardino) at Kuya Ralph. Lubhang napakahaba ng Vacant time kaya naki-jamming muna sa kanila. Nang pababa ng library, saktong namataan si Nikki. Nalungkot ako pagkat hindi pa pala ito nakakapag-enroll at hinahanap si Sir Ronan. Habang hinihintay si Sir at daldal naming dalawa, kwentuhang walang puknat muli ang ganap. Lalo pang sumaya nang sumali si Janine at dami naming tawa sa mga kwento niya. Bukod sa kanila, nakakwentuhan ko rin si Ma'am Zandra at napaka-friendly at approachable niya, sayang lamang at dahil huling semester na ito ng aming pag-aaral, hindi ko na siya magiging professor pa. Game din itong makipag-selfie sa akin.

10H-E. Makaraan ang tatlong oras na paghihintay, sa wakas ay may klase na rin at iyon ay Psychological Research. Si Sir Jigo pa rin ang professor namin sa asignaturang iyon at daming nagkakaproblema ngayon sa Thesis dahil nagkawatak ng group at daming nagpapalipat sa ibang dash. Maigi na lamang kami ni Kim, tanging si Lexlie lamang ang pinoproblema pagkat hindi pa ito lumilitaw hanggang ngayon at parang balak nang tanggalin. Habang kasagsagan ng pag-aasikaso ng Title at Statement of the problem, biglang nanakit ang ulo ko kaya matapos magpakonsulta kay Sir Jigo, napagpasyahan nang umuwi. Bandang Alas-otso na ko nakarating ng bahay at marahil dala lamang ito ng gutom kung kaya sumasakit ang ulo kaya diretso ako sa paglamon. Ilang sandali pa't bunsod ng pagod, kaagad na kong natulog.               


June 21, 2017

Wednesday
Year V-172

10H-F. Nakakagalak sa dibdib pagkat walang pasok ngayong araw at makakapagpahinga mula sa gastos sa pamasahe't stressful na gawain. Ang sarap matulog at humilata sa higaan na tila buhay prinsesa kaya bandang Alas-otso na napagpasyahang bumangon. Walang gagawin kaya naisipan kong magbantay sa tindahan at samantalahin ang oras sa pagsusulat ng nobela. Nakakainis lamang kapag may bumibili pagkat naaantala ang pagsusulat ko, maasikaso lamang sila. Kahit naiinis ay nakakatuwa naman dahil madami nang nasusulat subalit sa dami ng seneryong na dapat pang idugtong sa kwento, mukhang matatagalan bago matapos. Pagpatak ng tanghaling tapat, saka lamang itinigil ang pagtitinda para na rin makapagpananghalian. Nababagot ako't inaantok kaya nag-beauty rest muna kahit ma-preserve ang ganda. Pagkagising, diretso tungo ng Computer shop.

10H-G. Nalibang lamang ako sa pagkukumpyuter at panonood ng Youtube Videos kaya hindi namamalayang nakakadalawang oras nang babad ang mata. Lumalaki na ang bayarin sa renta kaya gustuhin pa man magbabad sa computer, kinailangan nang awatin ang sarili. Kung kailan nasa bahay na'y animoy gabi na kahit takip-silim pa lamang sa sobrang dilim ng kalawakan at sa itim na tila dinaig ang uling, mapapaisip na matinding ulan ang aabutin. Hindi nga nagkamali't bumuhos ang napakalakas na ulan, na sinabayan pa ng hangin kaya akala'y bumabagyo. Namayani nanaman ang takot nang sinabayan pa ng pagkulog at kidlat. Ayaw ko talaga ng umuulan tapos may kulog at kidlat. Kinagabihan at dahil walang magawa, pagsusulat muli ng nobelang hindi matapos-tapos ang pinagkaabalahan. Maya-maya pa't nang lumalalim na ang gabi, saka lamang natulog.    


June 22, 2017

Thursday
Year V-173

10H-H. Inabot na ng umaga sa paggising at pagkabangon at dahil may ibig asikasuhin ngayong walang ginagawa, gawaing bahay ang pinagkaabalahan ko. Nang makapagwalis at punas at dahil sinisipag-sipag ng lagay sa hindi malamang dahilan, pagtitinda ang sunod kong inatupag. Bandang hapon pa ang simula ng aking klase sa araw na ito subalit Alas-dyis pa lamang ay pumasok na ko pagkat nakakatamad pasukan ang ganong oras. Pagkatungtong sa unibersidad ay diretso ako sa library at inasikaso ang paggawa ng kwento. Makalipas ang dalawang oras na pananatili na walang ginawa kundi libangin ang sarili sa pagsusulat ng nobela, bumaba na ko. Saktong pagkababa'y nagkita kami ni Nikki at kaklase ito sa una kong subject. Current Issue ang unang asignatura at laking tuwa pagkat bukod kay Nikki, hindi akalaing kaklase ko rin siya't buong-buo ang araw ko subalit naiilang lamang ako pagkat nasa likuran lamang namin siya't nakikipagdaldalan. Hirap din kibuin ito dulot ng namamayaning hiya. Ni hindi ko magawang tumitig at parang natutunaw sa kilig.

10H-I. Ilang sandali pa nang magkaroon na kami ng professor at iyon ay si Ma'am Trisha. Ako agad ang napansin niya nang pumasok ito't nakipagbatian. Bukod pa dun ay bigla niya kong inutusan. Sa halos tatlong taon na hindi ito nagiging professor, nakaka-miss si Ma'am Trisha at natutuwa ako dahil napagkakatiwalaan niya pa rin ako. Pagkabalik ay saktong nagsimula na itong magturo't sinabi kung ano ang gagawin at mga requirements. Kung ikukumpara'y mas chill maging Professor si Ma'am Trisha kaysa kay Ma'am Joyce subalit parehong mabait at okey. Matapos nitong magsalita ay kaagad na siyang umalis. Mahaba pa ang oras kaya ibig ko sanang manatili sa silid pagkat nandiyan siya't masusulit ang bawat sandali, kaso kating-kati na si Nikki na lumabas kami. Education 2 ang sumunod naming asignatura at tawang-tawa sa ginawa pagkat umakyat pa kami ng Laboratory dahil inakalang doon magklaklase subalit sa Second floor lamang pala.

10H-J. Bumalik kami at halos isang oras na ang nakakaraan, wala pang dumarating na professor, napagpasyahan na naming umalis. Hindi na kami magkamag-aral ni Nikki sa susunod kong klase kaya nagpaalam na sa kanya. Physio Psychology ang sumunod na subject at mukhang sinuswerte ako ngayong semester pagkat si Ma'am Trisha muli ang professor. Kaagad na itong nag-lecture sa amin subalit saglit lamang at uwian na. Sa labis ng gutom na nadarama sa Sikmura, diretso ako sa paglamon pagtungtong sa tahanan. Kinagabihan, heto muli ako na abala sa pagsusulat ng kwento. Bandang Alas-dyis nang mapagpasyahan kong matulog.     


June 23, 2017

Friday
Year V-174

10H-K. Umaga nanaman pala kaya kailangan nang awatin ang sarili sa malambot at masarap na kama at bumangon. Hindi ko ibig na masayang ang oras na nakaupo lang at walang ginagawa kaya naisipang magtinda muli. Habang nagtitinda at hinihintay dumating ang mamimili, sinamantala ang oras sa pagsusulat ng kwento. Naiirita lamang pagkat kanina, walang halos bumibili subalit ngayon na aligaga sa pagsusulat ng nobela, saka naman nagkasunod-sunod ang bumibili. Bandang hapon pa ang simula ng klase subalit Alas-dyis pa lamang ay naisipan nang umalis sa bahay. Hindi ko inasahan na magiging ganon kabigat ang daloy ng trapiko at bumper to bumper na ang mga sasakyan kaya minuto na lamang ang bibilangin bago sumapit ang Alas-dose nang makatungtong sa paaralan.

10H-L. Saktong nagkita naman kami kaagad ni Nikki at kwentuhang walang wakas muli. Isang oras pa ang makalipas, dumako na kami ng silid. Sa oras ng Clinical Psychology, bago magsimulang magklase si Sir Juangco, nagkaroon muna ng palabunutan para sa pangkatang pag-uulat. Sina Kim at Janet ang naging kapangkat ko at swerteng ikatlo kami sa mag-uulat. Pagkatapos ng bunutan, nagsimula na ang pag-uulat na pinangunahan nina Eloisa, Hanna at Kuya Ralph. Medyo may katagalan bago ang susunod kong klase kaya hindi na umalis pa ng silid at naki-sit-in sa klase ng mga Dash 3. Social Psychology ang kanilang asignatura at saktong si Ma'am Joyce ang professor. Kinabahan ako nang bigla niyang tawagin, iyon pala'y may ipinag-utos ito sa akin. Hinintay pa niya kong makabalik ng room bago ito magsimulang magturo. Nakuha ko na ang subject na 'yon subalit ngayon lamang napagtanto na very interesting pala ang mga topic doon at patungkol iyon sa amin.

10H-M. Nakakapanghinayang lang na hindi si Ma'am Joyce ang naging professor sa asignaturang ito pagkat marami kang matutuhan sa kanya. Panay ang tawanan at kantiyawan habang nagtuturo si Ma'am at nakakalibang ang klase. Nagsisisi ako't dapat hindi si Sir Ronan ang naging professor ko pagkat madalas itong hindi sumisipot sa klase, walang gaanong ginagawa kaya nakakatamad pasukan. Kung papasok man ito, hindi nakabase sa lesson ang ituturo pagkat palaging patungkol kay Duterte at nakakasawa. Matapos ang klase ay kaagad kong nilapitan si Ma'am Joyce para magpaalam. Sa bait ay pumayag naman ito na maki-sit-in ako sa klase niya anumang araw na gugustuhin ko.

10H-N. Dalawang oras pa ang nalalabi bago ang klase sa Psychological Research kaya may panahon para gawin ang ibig. Nang matapos ang dalawang oras na kasiyahan at pagkapasok ni Sir Jigo, balik sa dating gawi't kanya-kanyang upuan. Mukhang magiging seryoso ang Thesis na ito kumpara ng nakaraan pagkat data gathering na galing sa mga sangkatutak na respondent at magiging matrabaho. More on Statistics din ang kailangan kaya mapapasabak nang husto ang utak sa pagso-solve. Gayunpaman ay hindi naman magiging mabigat ang kinakaharap na semester na ito pagkat kakaunti na lang subject na dapat pasukan at mas may time na para asikasuhin ang major thesis. Matapos mawindang ang kukote ko sa pagtuturo ni Sir na puro Statistics, sa wakas ay uwian na rin. Bagsak na ang mga mata sa maghapong pakikibaka sa pag-aaral kaya diretso hilata sa higaan matapos lumamon.         


June 24, 2017

Saturday
Year V-175

10H-O. Sabado at araw pa ng Maynila subalit may pasok pa rin ngayon araw. Bandang Alas-onse na nakarating sa unibersidad. Masyado pang maaga kaya naisipan munang magtungo ng Computer shop. Hindi gaya sa amin ang presyo ng rentahan sa shop pagkat mas mahal kaya kahit nakakaisang oras pa lamang ay log-out na para makatipid-tipid. Wala pa kong nadadatnang ni isang kaklase sa Dash 1 maging sina Nikki pagkatungtong sa silid kaya tumungo ng library at hinanap sila. Ilang sandali pa nang sa wakas, matagpuan ko na rin ito at laking tuwa ko pagkat classmate ko si Sarlyn sa first class ko. Wala pa si Ma'am Trisha kaya walang ginawa kundi magdaldalan at magkamustahang magkakaibigan. Ilang sandali pa nang dumating si Ma'am at nagturo. Hindi lamang naging klaro sa aking isipan ang mga itinuro ni Ma'am Trisha kaya may mga tanong na namumuo sa isipan at gustong magtanong, kaso pinangunahan ng hiya, lalo na't naroroon siya.

10H-P. Doon ko na-realize na disadvantage din pala na maging kaklase mo ang taong nagpapatibok ng puso dahil siya ang dahilan kung bakit nahihiya ka, kahit bawat sandali mo ay nagiging maligaya. Education 2 ang sumunod na asignatura at saktong may professor na. Ma'am Risil ang pangalan ng aming professor at kahit first time pa lamang ito maging professor, kakikitaan nang mabait ito at mahusay magturo. Bukod pa dun ay bata-bata pa ito't parang kasing edad lang ni Ma'am Joyce (Geronimo). Isa-isa kaming nagpakilala sa harapan at sinabi kung ano ang gagawin sa dalawang milyon kung sakaling manalo at maging bagay na sumisimbolo sa amin. Walang ginawa kundi ilabas ang kanya-kanyang mga pangil habang nagsasalita sa harapan at nang ako na at dahil hindi na bago sa akin ang mga kaklase sa Dash 1, wala nang hiya-hiya pang nagsalita at nagpatawa na rin.

10H-Q. Nang makapagkilala ang lahat sa amin, saka lamang nagturo si Ma'am Risil. Mahinahon lamang ito magsalita, hindi gaya ng naging guro na aktibong-aktibo't kailangang hindi sasabayan ng murmuring para marinig.  Sayang lamang at wala nang pagkakataon na maging professor itong muli pagkat nagugustuhan ko siya. Physio Psychology ang sumunod kong klase at inabot pa ng halos isang oras bago makapagsimulang magturo si Ma'am Trisha. Dami naming tawa habang nagtuturo ito't maging kalokohan ay may natutuhan sa kanya. Ilang sandali pa, dismissal time na rin at uwian ko na rin. Inabot na ng gabi sa pag-uwi at sa gutom, diretso lamon ako. Kinagabihan, pagsusulat ng nobelang hindi matapos-tapos ang pinagkaabalahan ko. Ilang sandali pa'y natulog na ko.        


June 25, 2017

Sunday
Year V-176

10H-R. Mataas na ang sikat ng araw sa labas ako nagising. Medyo may kasiglahan sa dibdib akong bumangon na siyang ipinagpapasalamat sa maykapal at walang akong pinoproblema ngayon. Nang malamnan ang sikmurang magdamag na walang laman, pagtitinda't pagsusulat ng nobela ang inatupag ko. Maya't mayang naantala ang pagsusulat ko dahil sa bumibili. Hanggang tanghali ako namahala sa tindahan. Sumapit nanaman ang hapon at gawa na nababagot at tinamaan ng katamaran na gawin ang mga bagay na naisin, tumulog na lamang ako. Pagkagising, madilim-dilim sa labas. Inakalang malapit nang gumabi subalit nagkakamali at nagbabadya palang umulan. Ilang sandali pa, bumuhos na nga ang malakas na ulan. Sinabayan pa ng kulog at kidlat kaya kalong-kalong muli ng loob ang takot. Saka lang lumuwag ang pakiramdam matapos ang Thunderstorm. Sa halip na gumala, nanatili na lamang sa loob ng bahay at nagsulat ng kwento. Laking tuwa ko nang sa wakas, natapos ko din ang nobela. Ang sarap sa pakiramdam kapag nakukuha ang bagay na pinaghihirapan. Kinagabihan, tamang nuod lamang ng telebisyon. Nang medyo inaantok-antok na, hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa pagtulog. 


June 26, 2017

Monday

Year V-177

10H-S. Nakakatuwa sapagkat walang pasok ngayong araw para magbigay daan sa pagdaraos ng pagtatapos ng Ramadan ng mga Muslim. Dahil Holiday at ngayong araw naisipang mag-bonding kami magkakaibigan, maaga akong nagising at naghanda-handa. Habang naghahanda ay walang maramdaman kundi sabik pagkat minsan lang itong maganap. Bandang Alas-otso nang makarating sa Quezon City Memorial Circle, lugar kung saan magkikita-kita. Habang hinihintay ay walang ginawa kundi makipagtiktikan sa kanila, para mabatid kung nasaan na't hindi naman magmukhang sira sa kakahintay. Dalawang oras na ang nakakalipas, wala pa rin sila't hindi na mapigilang mainip. Usapan, Alas-otso magkikita subalit Alas-dyis na ay wala pa rin sila. Sa sobrang pagkainip, dumating na sa puntong gusto nang umuwi na lang. Kung kailan paalis na ko para umuwi, saka naman biglang dumating sina Jacqueline at Kuya Ralph. Nanumbalik ang tuwa pagkat tuloy ang bonding.

10H-T. Habang kaming dalawa lang, naglibot-libot sa Circle at picture taking. Ilang sandali pa, lumakad na patungong Wildlife. Pagkatungtong ay saktong naroroon na si Eloisa. Iba't ibang mga wild animals gaya ng mga ahas, unggoy ang natunghayan habang naglilibot-libot at parang may Zoo adventure na magkakasama. Medyo naaliw ako kaya hindi maiwasang kuhaan ng litrato. Pagkatungtong malapit sa Lagoon, doon namin namataan si Ate Jen. Ipinagpatuloy namin ang adventure magkakasama hanggang sa pagsapit ng tanghali ay nakaranas na ng gutom, kumain muna kami. Wala pang balak umuwi't pagkalabas ng Wildlife, sa Trinoma naman sunod namin pinuntahan.

10H-U. Ngayong maalinsangan pa rin ang panahon kahit tag-ulan na, tamang-tama ang mamasyal doon pagkat malamig at presko sa pakiramdam. Ang saya pa rin ng bonding kahit lima lamang kami't hindi nakapunta ang karamihan, sana'y maulit pa. Dakong Alas-tres nang maisipan na naming umuwi at magpaalam sa isa't isa. Wala pa kong balak umuwi kaya nagtungo muna ng Computer shop.  Bandang Alas-singko na tipong naghihingalo na ang liwanag ako nakarating ng bahay. Kinagabihan, walang magawa kaya tamang online lang sa Social media ang inatupag. Lugmok na lugmok na ang mata sa antok kaya kaagad nang natulog.  


June 27, 2017

Tuesday
Year V-178

10H-V. May pasok nanaman pala at balik at sa dating gawi. May comsultation pala kami ngayong araw sa RDIC para sa thesis kaya umaga pa lamang, nagtungo na ng School. Kaagad akong tumungo ng library at saktong naroroon na si Kim subalit wala si Lexlie. Sinabi nito na hindi na siya makakapasok at magda-drop na dahil sa may iniindang karamdaman. Problema tuloy namin kung saan makakahagilap ng bagong member na papalit kay Lexlie. Bago magtungo at pumila sa RDIC office, inasikaso muna namin ang gawang thesis para hindi kakapa-kapa mamaya kapag tinanong. Sa dami ng nauna sa amin at haba ng pila, inabot ng halos dalawang oras bago kami nakapasok ng office. Si Ma'am Trisha ang tumingin ng aming thesis at sa mga sinasabi pa lamang nito, nakaka-stress pagkat daming dapat baguhin at ayusin. Sinabi din nito na dapat muna kami magkaroon ng Certificate of Research Ethics, bago makapag-proceed sa Data Gathering.

10H-W. Mukhang magiging seryoso nga ang Thesis namin at naging pahirapan pa ang gagawin dahil hindi lubos maunawaan ang sinabi ni Ma'am Trisha. Gusto ko sanang magtanong para klaruhin ang kanyang mga tagubilin, kaso binalot na ng hiya ang loob. Matapos ang konsultasyon, kaagad din kaming umalis. Pagkababa'y saktong namataan si Nadia. May katagalan na ring hindi kami nagkikita kaya kamustahan at kanya-kanyang lahad ng kwento. Kanina pa kumakalam ang nasa Sikmura at ito ay lubos na kaya kumain muna kami. Habang kumakain, biglang bumuhos ang napakalakas na ulan, na-stranded tuloy kami. Medyo natagalan pa bago humupa ang ulan at saka lamang nakalabas.

10H-X. Ilang sandali pa, nagpaalam na kami sa isa't isa at pumasok ng silid. Walang magawa ng mga oras na iyon kaya nanuod na lamang ng Video. Pagkapasok ni Nikki, hindi magandang balita ang hatid nito pagkat ito ay nahablutan ng Cellphone at pera ng mga holdaper. Magkahalong awa at inis ang naramdaman habang ito ay naglalahad. Kahit si Duterte na ang pangulo at mainit ang mga mata sa masasamang loob kaya ipinapapatay, wala pa rin ngang pagbabago pagkat hindi pa rin lubos na ligtas ang mga lansangan. Kailangan mag-ingat at maging alisto. Maya-maya pa, nagsidatingan na ang mga kaklase galing sa kabilang silid. Sa oras ng Clinical Psychology, nagkaroon lamang ng Class Election sa pangunguna ni Eloisa.

10H-Y. Naging mainit ang nominasyon pagkat may kanya-kanyang napipisil subalit sa huli, si Homer ang hinirang na President at si Janet naman sa Vice President. Kapansin-pansin na puro galing sa Dash 5 ang nakaupo sa lahat ng officer, Dash 3 ang pinapasukan ko pero animoy nasa Dash 5 na. May natitira pang oras subalit sa halip na magkaroon pa ng Class report, nagturo na lamang si Sir Juangco. Nang kanilang sumunod na klase, which is Social Psychology, papaalis na dapat ako pagkat nakakahiya nang mag-sit-in subalit pinigilan ni Ma'am Joyce at pinaupo. Nuknukan talaga sa kabaitan si Ma'am kaya kapag ito ay naging professor mo at nagtuturo, parang anghel ang kaharap mo't napakapalad mo.

10H-Z. Nagturo lamang ito't maya't maya ang recitation. Mistulang English or Literature class na ang ganap pagkat may nagtatagisan sa English habang nagre-recite at akalang sumasali sa beauty pageant pagkat pagkat pang-Miss Universe ang mga sagot. Dahil sa kanila na batikana sa inglesan, sumigla ang klase at nakakaaliw kahit nosebleed na ang ilan sa amin. Tatlong oras pa bago ang sumunod na klase at gawa na tinatamad na ko, umuwi na lamang. Pagdating ng bahay, panonood ng telebisyon ang inatupag ko't sabay lamon ng hapunan. Kahit may mga bagay na hindi magagandang nangyayari sa buhay, pasalamat pa rin ako dahil nakakakain pa rin, tatlong beses sa isang araw o minsan higit pa kapag tinakaw-takaw. Kahit masibang nilalang, laking pasalamat dahil stay fit and healthy.     


June 28, 2017

Wednesday
Year V-179

10I-A. I'm glad this day dahil walang pasok ngayong araw. Sa biyernes na ang aming pag-uulat para sa Clinical Psychology kaya matapos mag-agahan, inasikaso ko na ang paggawa ng report presentation. Pagpatak ng tanghali at dahil nabalitaan ko na gawa na raw ang Certificate para OJT, daglian akong nagtungo ng TAHANAN para kuhain iyon. Sina Ma'am Queenie lamang ang naroroon at sinabing wala sa kanila ang Certificate kundi na kay Maan na ang lahat. Na-miss ko sila ng husto kaya nanatili muna ng office at nakipagkwentuhan sa kanila. Nalungkot lamang ako pagkat iyon na ang huling linggo nila na nasa QCADAAC at nakapag-file na ng resignation letter. Maigi na lamang at nakapunta ako ng office bago sila mag-resign na apat. Tuloy ang masayang kwentuhan at sayang lamang, wala sina Ma'am Thaline at Sir Jarren, hindi tuloy kumpleto.

10I-B. Ilang sandali pa nang dumating na ang kanilang mga kliyente at bago ang Spiritual Counseling, dance show muna. Dahil bisita ako at bilang pakikisama, kahit batid na parehas kaliwa ang paa'y sumali pa rin ako sa sayaw. Habang naindayog sa pagsayaw, walang ginawa kundi tumawa nang tumawa't muntikan nang ilagay sa Holding Area dahil sa pinaggagawa. Lalo ko tuloy sila na-miss. Ilang sandali pa, nagpaalam na ko sa kanila. Sa halip na umuwi, nagtungo pa ko ng school, nagbabakasakaling nandoon si Maan subalit kasama raw ito nina Ma'am Thaline sa pagba-barangay sabi ni Isadora. Wala rin naman palang mapapala kaya hindi na ko nagtagal pa at kaagad na umalis. Kinagabihan at dala ng pagod, diretso tulog na ko.

June 29, 2017

Thursday
Year V-180

10I-C. Inabot nanaman ng liwanag sa paggising at sarap pang humilata sa kama kahit tirik na ang araw. Hinintay ko munang sumapit ang Alas-otso bago maisipang bumangon. Kahit Ala-una pa ng hapon ang klase at dahil wala naman gagawin sa bahay, Alas-dyis pa lamang at nang makapagpanaghalian, tumungo na ng School. Saksakan talaga sa traffic kaya bandang Alas-onse na nakatungtong sa paaralan. Habang hinihintay magsimula ang klase, walang ginawa kundi mag-laptop at makipagkwentuhan kay Patricia. Maya-maya, biglang lumabas si Kalvin, naiinis lamang sa kanya pagkat napakapakilamero, maging laptop ko, hindi nakaligtas. Ang ingay pa't ipinalalandakan sa buong Campus na may gusto ako kay Sir Jigo, hindi na nahiya. Wala na sa akin kung kumalat iyon, tutal alam naman niya at wala nang nararamdaman sa kanya.

10I-D.  Ilang sandali pa nang magsimula ang klase. Current Issue ang una kong klase, walang ginawa si Ma'am Trisha kundi magpatawa nang magpatawa habang nagtuturo. Isa-isa kaming pinabasa ng article. Nang si Jed na ang pagbasahin, tumaginting nanaman ang kilig sa dibdib at parang huminto ang Mundo ko. Sina Sarlyn at Nikki na kapwa batid na may pagtingin sa kanya, panay pangli-link at kantiyaw. Kinabahan tuloy ako pagkat nandoon siya't bukod sa kaba, naiilang na rin nang ako na ang pagbasahin pagkat nakatitig siya at tutok na tutok pa, para na tuloy natutunaw nang mga oras na iyon. Education 2 ang sumunod naming klase, habang wala pa si Ma'am Risil at dahil nakaligtaang may takdang-aralin, sinamantala ang oras para magpa-zerox. Ilang sandali pa nang dumating ito at isa-isang iwinasto ang kanya-kanyang takdang aralin. Pagkatapos ay nagturo ito at tungkol sa Teaching strategies and methods ang itinuro niya. Kahit mahinahong magsalita ay nakakalibang pa rin magturo si Ma'am at ibang-iba ang way ng kanyang pagtuturo.

10I-E.  May nalalabi pang oras bago ang dismissal time subalit tumigil na ito sa pagtuturo at hinayaan na kaming gawin ang gusto. Ilang sandali pa, nagpaalam na ko sa mga Dash 1. Physio Psychology ang sumunod kong klase. Sa halip na magturo si Ma'am Trisha, nanood lamang kami ng film. Hindi ko masyadong feel ang palabas kaya mas piniling makipag-chat na lamang kay Jona Vee. Ang ganda at sarap ng topic namin, patungkol kay Crush na love na niya. Kilig na kilig ako maging siya habang pinag-uusapan si Crush. Habang sarap na sarap sa pakikipag-chat, may biglang sumita sa akin sa likuran, hindi ko alam kung sino subalit pamilyar ang boses. Pagkalingon, laking gulat pagkat si Sir Laus pala iyon. Mukhang nahuli niya marahil ako na gumagamit ng Cellphone kaya tigil muna sa pakikipag-chat. Pagsapit ng Alas-sais, sa wakas ay uwian ko na rin. Lubhang tinamaan ng gutom sa sikmura kaya diretso kain pagdating ng bahay. Kinagabihan, paggawa muli ng panibagong nobela ang inatupag ko. Nang antukin, saka lamang natulog.                


June 30, 2017

Friday
Year V-181

10I-F. Pumutok nanaman pala ang liwanag kaya kailangan muling bumangon kahit inaantok pa ng lagay. Ang aga-aga subalit inatake muli sa pagka-high blood si Mama at panay ang pagkuda. Kahit rinding-rindi na sa pagbubunganga ay hinayaan na lamang, pasasaan pa't mapapagod din ito. Walang magawa ngayong umaga kaya ipinagpatuloy ang pagsusulat ng nobela. Bandang Alas-dose nagtungo ng School at pagkarating, wala pa ang mga kamag-aral ko. Isang oras na ang nakakalipas, hindi pa sila dumarating at nakakapagtaka. Iyon pala, wala na raw klase dahil may General Assembly at nasa Auditorium na silang lahat. Daglian akong tumungo doon at pagkarating, saktong hindi pa nagsisimula subalit marami na ang nagsipagdalo at nahirapan na sa paghahanap ng upuan.

10I-G. Maya-maya pa, nagsimula na General Assembly na pinangunahan ng aming Psychology Department head na si Sir Ronan maging nina Sir Astrid na bagong professor lang. Matapos magtalumpati ni Sir Ronan, si Sir Jigo naman ang pumalit at isa-isang ipinakilala lahat ng Psychology Professors. Sayang lamang pagkat wala sina Ma'am Joyce at Ma'am Trisha. Nang maipakilala lahat, Psych Fun na't kanya-kanyang turo at pilit kung sino-sino ang mga magiging kalahok. Maigi na lamang, hindi ko kilala ang mga katabi't nakapaligid sa akin kaya walang makapagturo subalit nang biglang lumapit si Sir Jigo, hindi ko inasahang siya pa ang mang-uudyok sa akin. Sa una, ayaw ko pagkat nahihiya subalit dahil siya ang pumipilit sa akin, napilitang magtungo ng stage.

10I-H. Hindi ko maipaliwanag, wala nang nararamdaman sa kanya subalit bakit ganon, sumaya ang sandali ko nang gawin niya iyon sa akin. Sobrang overwhelm ko nang panahong iyon dahil ko humarap sa maraming tao na nasa entablado't nahihiya man, lakas-loob ipinakilala ang sarili. Nang makipagkilala kaming lahat na mga kalahok, medyo nakakahiya pero nakakatuwa dahil mamimili kami ng Psych Professor na gagayahin. Ako ang kauna-unahang contestant na manggagaya kaya abot-langit ang kaba sa dibdib. Sa sobrang kaba, hindi ako makapag-isip ng professor na pwedeng gayahin, kaya may nagpauna muna sa akin hanggang sa maisipan na si Sir Laus ang gagayahing professor.

10I-I. Matapos niya ay ako naman at bigay-todo habang ginagawa si Sir Laus. Masaya ako dahil napatawa ko ang lahat at yung iba, halos atakihin na sa kakatawa. Salamat kay Sir Jigo dahil sa kanya, lumalakas ang confident ko sa sarili at hindi akalaing magagawa iyon. May pinagawa sa amin sina Sir Astrid at iyon ay bibigkasin ang Dobido-bidapdap ng mabilis. As usual, ako muli ang una kaya walang kulay at sigla nang bigkasin iyon at magkandabulol-bulol subalit napatawa ko nanaman sila. Sa huli, hindi ako pinalad na manalo pero hindi na iyon mahalaga, ang mahalaga'y nagawa kong labanan ang hiya at kaba at para na ring nagwagi. Matapos naming magtanghal at magbigay kwela, kumanta naman ang mga Professor.

10I-J. Parang tinakasan ng mga bait sa kakatili nang si Sir Barrion ang kumanta't walang hiyang nilapitan maging mga bakla. Medyo na-inspired ako sa aking nakita kaya naisipang gagawin din iyon kapag si Sir Jigo na subalit hindi na ito kumanta pagkat paos daw, sayang! Pagkatapos ng General Assembly, laking tuwa naming nang ianunsyo ni Sir Jigo na wala na kaming klase mamaya sa Psychological Research at manonood na lamang ng Film. Pagkatapos, hindi na nagtagal pa't agad na nilisan ang Auditorium. Tumungo pa ko ng Library at sinamantala ang oras sa pagsusulat ng nobela. Ilang sandali pa nang maisipang umuwi. Kung kailan pauwi na, saka na bumubuhos ang ulan at kahit may kalakasan at umaanggi, lakas-loob pa ring sinuong, ang resulta'y basang sisiw na. Bus sana ang balak na sakyan pagkat natatakot sa kulog at kidlat subalit no choice ako kundi Jeep.

10I-K Maya't mayang sumisipa ang sindak sa dibdib oras na kumikislap ang kapaligiran dahil sa talim ng kidlat at nagugulat dahil sa dagundong ng kulog. May Astraphobia ako kaya walang ginawa kundi labanan ang nararanasang takot. Yung katabi naman, balisang-balisa na sa takot at hindi akalaing may mas malala pa pala sa phobia na aking nararanasan, halos mapaiyak na ito't todo takip ng teynga. Pagkababa ng Sandigan at kahit may kalakasan pa unos at nagngangalit ang mga kidlat, buong tapang na sinagupa. Habang sumisilong sa may Terminal ng Tricycle, saktong nagkatagpo kami ni Annie. Matagal-tagal na rin hindi nagkikita kaya kamustahan kaming dalawa. Humupa naman ang ulan pagkarating ng bahay at giniginaw dahil basang-basa. Kinagabihan, pagsusulat muli ng nobela ang pinagkaabalahan. Nang makaramdam ng antok, saka lamang napagpasyahang matulog.