Linggo, Abril 30, 2017

52. April 2017 Journal (Day 1552-1581)


April 01, 2017
Saturday

Year V-091

9x-s.  Dumako nanaman tayo sa panibagong buwan ng taon, nangangahulugang sadyang kay tulin ng panahon at hindi mo namamalayan, matanda ka na pala. Eksakto pumatak na ang ikawalo ng umaga ako nagising at dahil magtutungo ngayon sa eskwelahan para magpasa ng Autobiography, daglian ng nagbihis matapos mag-agahan. Kung kailan puno na ang sinasakyang Tricycle, ano ba ito at wala pa yung Tricycle driver, nakakainis dahil ang tagal namin nag-abang. Nang hindi talaga masumpungan ang batugang Tsuper, pinalipat tuloy kami't nadagdagan ang inis pagkat umalis ang isa sa amin, sa inip na rin marahil. Kinailangan pa tuloy hintayin mapuno, kaso yamot na yamot na ang Tita Haydee kaya kahit hindi pa kumpleto, lumarga na kami. Kung hindi lamang nawala ang manong tsuper, hindi sana mangyayari ang ganito't nakakainis. Naipit din ako sa usad pagong na trapiko kaya medyo natagalan bago makatungtong ng paaralan.

9x-t.  Hindi ko nanaman nadatnan si Sir Esguerra subalit may isang professor ang naroroon. Hindi raw darating ngayong araw si Sir sabi niya kaya naisipang iwanan na lamang ang mga Autobiography. Sa halip na umuwi, tumungo pa ko sa Faculty ni Sir Jigo para magpasa ng Endorsement letter kaso ni isang professor, wala akong nadatnan. Bandang Alas-tres na ko nakauwi't saksakan sa alinsangan ang panahon na tipong ikakatupok mo na kaya pagpatak ng dapit-hapon, bumuhos ang Milagrong tubig. Maya-maya pa, dumating na si Papa galing Batangas at pasalubong agad niya ang hanap-hanap. Sa dami ng nilantakan na samu't sari, tila iyon na ang naging hapunan. Kinagabihan at dala na hindi pa dinadapuan ng antok, pagla-laptop ang inatupag ko. Medyo nahumaling sa paggamit ng Laptop kaya inabot na ng hating-gabi sa pagtulog.        


April 02, 2017
Sunday

Year V-092

9x-u.  Maliwanag na sa labas at ganap nang sumikat ang araw subalit pahirapan sa 'kin ang awatin ang sarili at ibig pang humilata nang tagal sa kama. Saktong Alas-otso na kaya hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa pagbangon. Matapos lamnan ang Sikmurang magdamag na walang laman, gawaing bahay muli ang siyang napagkaabalahan. Pagpatak ng tanghali at matapos makapagpananghalian, daglian nang nagbihis pagkat tutungo ngayon sa bahay ni Lexlie para magbayad ng kulang sa naging ambagan namin sa Thesis at kuhain na rin ang Sapatos na isang buwan din nasa kanila. Medyo naipit ako sa napakabigat na trapiko kaya inabot din ng dalawang oras, bago makarating sa kanila doon sa Caloocan. Hindi na rin ako nagtagal kina Lexlie at kaagad na umalis pagkabayad at kuha ng sapatos. Dahil linggo at matagal-tagal na ring hindi nakakapagsimba, tumungo ako sa Novaliches Bayan para magsimba.

9x-v.  Tungkol sa kung paano makalimot sa masalimuot na nakaraan ang naging tema ng Homily ni Father at may punto siya, paano tayo makaka-move on kung patuloy na niyayakap ang nakaraan at hindi gumagawa ng paaran. Gaano man kasidhi ang dumaan sa buhay na tila dagok, basta may pagkukumahog ay makakayang maibaon sa limot at kapag nangyari iyon, masasabing tila wala lamang nangyari. Bago lisanin ang Simbahan, nagtirik muna ako ng kandila at nagdasal. Matapos magdasal at dahil batid ko na may Mall show sina Maja Salvador na gaganapin sa Robinson Novaliches, hindi ko pinakawalan ang pagkakataon masubaybayan sila kaya nagtungo roon kahit mag-isa lamang. Saktong nagsimula na ang show subalit wala pa ang mga Wildflower Stars na sina Maja. Hindi pa gasinong makapal ang dami ng tao't hangga't may espasyo pa, naging pagkakataon iyon sa akin para makalapit ng Entablado.

9x-w.  Ilang sandali pa, nakarinig na ko ng hiyawan at nagsisipuntahan na ang mga tao sa may gate ng Trade Hall, dumating na pala ang isa sa mga Cast ng Wildflower na si Vin Abrenica at nakakaakit ang kanyang kakisigan. Lalong umigting ang hiyawan na hindi na magkandamayaw nang sa wakas, dumating na rin si Maja Salvador. Si Vin Abrenica ang unang nagtanghal at sa kisig ng kanyang tinig at ganda ng hubog ng pangangatawan, mapababae o maging gaya kong binababae, walang puknat sa kakatili. May pagkakataon na sanang hawakan ang kamay nito nang lumapit kaso bigo dahil siksikan. Sumunod ay sina RK Bagatsing at Joseph Marco. Kung anong hitsura ni Joseph Marco sa Telebisyon, walang pinagbago sa personal at di ako gasinong nagagwapuhan sa kanya. Nang lumabas na si Maja Salvador sa entablado, walang nang ibang marinig kundi isigaw ang pangalan niya't nakikipag-unahang makipagkamay sa kanya.

9x-x.  Sumasabog ang ganda ni Maja lalo na kapag kulot-kulutan ang buhok at mistulan siyang manika. Sayang lamang at hindi ako nakapagpa-picture sa kanila pero sulit naman dahil sila sa personal ng malapitan at matagalan. Kahit di nila ako number one fan, masaya ako dahil dumating muli ang pagkakataong makakita ng bituin at isa ang araw na ito sa hindi malilimutan. Maging sa pag-alis nila'y sinubaybayan ko pa't sinamantala ang nalalabing sandali na kuhaan ng litrato. Dakong Alas-sais nang makatungtong ng tahanan. Yung tipong napakaligaya ng araw ko dahil nakakita ng artista, tapos malalaman sa aming School Automate, No final exam ako sa Psychological Testing at nakakapagtaka dahil nakapag-exam naman nung Final Period. Marahil ay may hindi ako napasa kaya nagkaganon. Gayunpaman ay natutuwa pa rin ako at nagpapasalamat dahil naipasa ko lahat ng mga subject maliban dito sa isa.       


April 03, 2017
Monday

Year V-093

9x-y.  Hindi naging maganda ang gising ko nitong umaga sapagkat may suliraning kinakaharap. Wala naman mangyayari kung magmumokmok lamang at kikimkimin kaya umisip ako ng paraan. Tama nga sila, tila kay hirap pumasa kapag kay Sir Laus, kahit isa sa mga guro na nakilala ko na mabait. Matapos mag-almusal, kaagad ko ng sinimulan kung ano ang sa tingin ko ay kulang at hindi pa naipapasa. Sana sa ginagawa kong ito, makapasa na ko. Nang matapos ay daglian nang tumungo sa paaralan. Dakong Alas-dose na katirikan ng araw nang ako'y makatungtong doon. Pagkatungo ng Guidance Office, wala pa si Sir Laus at mga Ala-una pa raw ito darating. Gawa na nababagot sa kakahintay sa kanya, nakipagtsikahan muna kina Maan at Isadora. Kahit hindi pa sila gasinong kakilala, parang close na sa isa't isa at nakakatuwa silang kausap.

9x-z.  Ang ingay tuloy namin kahit nasa Guidance Office at maging mga kasamahan naming Coordinator, nakiki-join. Sumapit na ang Alas-dos subalit nanatiling wala si Sir. Sinubukan kong huwag mainip subalit di ko talaga maiwasang mainip. Hanggang sa Alas-tres na't wala pa rin si Sir, darating na sa puntong ibig nang umuwi subalit pinigilan nila ako. Maya-maya pa at matapos ang higit sa tatlong oras na paghihintay, sa wakas ay dumating na rin si Sir Laus. Bukod sa akin, maging sina Kalvin ay NFE din at dagliang kinausap ni Sir pagkaharap sa kanya. Ipapasa ko na sana kung ano ang kulang, kaso di nito tinanggap at nakakatuwa dahil may grade na, ang problema lamang ay kinapos daw ang marka namin nang kanyang kompyutin para pumasa't mismong siya na ang nagsabi sa amin, na ayaw niya kaming bumagsak.

9y-a.  Parang kinurot ang dibdib ko nang sabihin iyon ni Sir at kahit kilala ng karamihan sa amin na ito ay nambabagsak, sobra-sobra pala ito magbigay ng konsiderasyon. Iyon nga lang ay nahihirapang magdesisyon si Sir pagkat sinasaalang-alang nito ang iba na nakapasa na. Sa huli ay ibinigay na sa amin ni Sir ang pagpapasya kung paano ang pumasa at pagkaalis nito ay nag-usap-usap kami. Brainstorming kami sa pag-iisip kung ano ang maaaring maging project at si Serafin ang tumayong leader. Hanggang sa napagdesisyunan namin gawan ng Bulletin board ang harap ng Guidance office subalit si Sir Laus pa rin ang nagpasya at iyon ay ibili ng hard drive.

9y-b.  May kamahalan ang Hard drive, lalo na't lubhang malaki ang kanyang Memory Capacity kaya problema iyon sa akin kung paano makakahingi ng pera kina Mama para sa ambagan, lalo na't marami-rami na rin ang nagastos nila sa akin at baka wala silang maibigay. I know that is my fault, kung ginalingan ko lang at nagsipag, this thing will never happen.  Matapos kausapin ni Sir Laus, nagkanya-kanya na sa pag-uwi. Kinagabihan and even it's already April and the Summer season has begun, nakakapagtaka dahil malamig ang panahon at mahangin. Sa tindi ng lamig, heto at balot na balot kami ng kumot sa pagtulog. Climate change na nga at unti-unti nang hindi nagiging accurate ang mga Seasonal Forcast.            


April 04, 2017
Tuesday

Year V-094

9y-c.  Hindi nanaman makatulog dahil sa muling pagkirot ng Ngipin. Inabot na  ng madaling araw nang maibsan ang pananakit ng Ngipin. Dahil bakasyon grande, tinanghali muli sa paggising. Matapos mag-almusal at gaya ng nakagawian tuwing walang pasok o bakasyon, gawaing bahay muli ang inatupag ko. Nang makapagwalis at punas, pagtitinda naman ang sunod na napagkaabalahan. Habang nagtitinda, iniisip ko at pinoproblema kung paano makakahingi ng Limang daan kina Mama. Marahil ay bibigyan naman nila ako basta magpapakabait at hinusayan ko sa pagtitinda, nagbabakasakaling ito ang maging dahilan para agad silang makumbinsi.

9y-d.  Pagpatak ng tanghali, tagaktak muli ang pawis dahil paghampas ng maalinsangang panahon. Tigil muna sa pagtitinda para kumain. Mga bandang hapon ko na nang magkaroon ng lakas ng loob na ipagtapat kina Mama na NFE ako sa Psychological Testing. Nung una'y kinakatakot ko ang magiging reaksyon niya subalit nagkamali ako sa iniisip, iyon nga lang ay kinailangan pang magsinungaling. Batid kong mali at karagdagang kasalanan muli ang pagsisinungaling, pero wala akong maisip na paraan, para lamang hindi mapagalitan at mabigyan ng pera. Patawarin ako ng Maykapal sa muli kong pagkakasala. Kinagabihan, heto muli ako na tutok ang mga Mata sa Telebisyon at habang hindi pa nagsisimula ang aming On The Job Training, kailangan ng sulit-sulit ang natitirang oras para magpakasasa sa sarap. Nagpuyat pa ko kaya inabot muli ng hating-gabi sa pagtulog.       


April 05, 2017
Wednesday

Year V-095

9y-e.  Napasarap muli ang pagtulog ko kaya dakong Alas-otso na nagising. Medyo nababagot ako sa bahay at walang magawa at makausap kaya nang makapagpananghalian, naisipan kong magtungo sa SM Fairview. Habang naroroon, pag-e-edit lamang ng kwento ang pinagkaabalahan ko. Makaraan ang dalawang oras, lumipat ako ng Fairview Terraces at doon ipinagpatuloy ang pag-e-edit. Pagpatak ng Alas-kwatro nang mapagpasyahan kong umuwi. Nang magtanong si Mama, kinailangan ko muling magsinungaling sa kanya at sinabing nagtungo ng School at kinausap si Sir Laus. Kakasimba ko lamang nitong Linggo, mukhang dumarami ang nagagawang kasalanan at huwag na sana itong madagdagan, bagkus ay mabawasan. Iyan ang hirap sa akin, pinangungunahan ng takot at takot na humarap sa rebelasyon kaya nagagawang magsinungaling, huwag lamang magsilang ng hidwaan sa pagitan naming dalawa.

9y-f.  Sa aking mga nagawa, mapapatawad pa kaya ng Maykapal? Lalo na't paulit-ulit. Kinagabihan, kagimbal-gimbal ang yumanig na balita sapagkat lumindol daw kagabi sa Batangas at ito ay may kalakasan. Sa lakas, marami-rami ring establishimento o ari-arian ang nasira. Himala lamang ang nangyari kagabi sapagkat kahit malapit lamang ang Batangas dito sa Metro Manila, ni katiting na pagyanig ay hindi naramdaman kaya Thank God. Ngayong maging Batangas ay nililindol na rin, kapangambang isipin na baka sumunod, tayo na ang makitikim ng malakas na lindol, lalo na't sinasabi ng Philvocs na hinog na sa paggalaw ang West Valley Fault at anumang panahon ay yayanig na ito kaya ibayo ng paghahanda.  Hindi pa madalaw ng antok kaya pagla-laptop muli ang inatupag ko. Saka lamang napagpasyahang matulog nang makaramdam ng antok.


April 06, 2017
Thursday

Year V-096

9y-G. Panibagong umaga, panibagong kabanata muli ng buhay ang kakaharapin. Inabot na ko ng Alas-nuebe nang ako'y magising at kaagad na naghanda para sa pagtungo muli sa Eskwela. Habang patungo'y nakasagupa muli ang matinding trapik kaya matagal-tagal din bago makatungtong ng paaralan. Hinintay ko pa sina Kalvin at maya-maya, namataan ko sina Isadora. Kay Serafin daw ibibigay ang ambag wika nila sa akin kaya kaagad itong hinanap. Pagkabigay ng ambag sa kanya, para akong lilipad hanggang kalawakan sa sobrang gaan ng kalooban pagkat sa wakas, naresolba rin ang problema't makakapasa na. Sa halip na umuwi, nanatili muna ako ng paaralan at sinamahan si Mara para kumain. Tuwa ako sa kanya nang ilibre nito't nagpapasalamat sa kanya.

9y-H. Sa kabila na pakiramdam ko, kinamumuhian ng mga taong nakapaligid sa akin gaya ng ipinapakita nina Kalvin, tingin ko ay may tao pa rin handang pagmalasakitan ako. Akala ko dati, pare-pareho lamang ang tao sa Mundo at napapaisip minsan na nasa akin ang problema, pero nagkamali ako. Marahil may mga taong gusto sa akin at may mga taong may ayaw naman sa akin. Bawat isa sa atin, may kanya-kanyang impresyon sa kapwa at pananaw sa buhay. Kung ayaw man nila sa akin, wala na kong magagawa't dapat sa mga ganong tao ay hindi na dapat binibigyang pansin pa. Pagpatak ng Alas-dos nang mapagpasyahang umuwi. Anong alinsangan ng panahon kaya naisipang maligo. Kinagabihan, heto muli ako na abala sa pag-edit ng kwento at sa dami, tila aabutin malabong matapos. Malalim na ang gabi at namumugto na ang Mata sa antok kaya kahit hindi pa tapos ay naisipang ipagpabukas na lamang ang ginagawa.       


April 07, 2017
Friday

Year V-097 

9y-i. Sa sarap ng tulog ngayong kasagsagan ng bakasyon grande, bigo muling magising ng maaga. Magkakaroon pala kami ngayon ng orientation para sa Internship mga bandang Alas-dyis kaya medyo nagmamadali na sa pagkilos. Bandang Alas-dyis y medya nang makaalpas sa paaralan at saktong naroroon na si Sir Ronan at maging karamihan sa mga kukuha ng OJT subalit hindi pa nagsisimula ang orientation. Minuto lamang ang nagdaan nang magsimula ang orientation at napakapalad ko pagkat nakahabol pa. Una ay tinalakay niya ang tungkol sa mga Requirements at may kadalian lamang ang pinapagawa kung hindi tatanga-tanga. Habang tinatalakay niya ang tungkol sa Internship, mukhang hindi magiging madali at katalinuhan, haba ng pasensiya ang kailangan o hangga't maaari kung may kaaya-ayang hitsura para maka-survive. Gulat ako pagkat sadyang magastos ang aming Internship at hiwalay pa ang gastusin para sa medical na isa sa hinihinging requirements.

9y-j. Ngayong nahaharap ako sa ganitong experience na makakatulong sa aking pagtatrabaho ay sana kayanin ko at bigyang ng tibay at lakas ng loob na makiharap sa mga taong makakasalamuha doon. Tiwala namang mapagtatagumpayan ko ito sa tulong ng Maykapal at sa panahon ngayon, walang ibang pinakakailangan kundi siya. Dahil first time lamang na haharap sa ganito, medyo nangangapa pa kaya hindi maiwasan ang magtanong. Madami rin katanungang naglalaro sa isipan pagkat litong-lito ako sa mga sinabi ni Sir Ronan, kaso hindi maipahayag lahat pagkat para itong namamahiya. Maya-maya, ang seryosong pagtatalakay ni Sir na maging mga mukha namin ay halatang seryoso sa pakikinig, nauwi sa walang humpay na tawanan nang magkwento ito. Nang wala ng maibatong katanungan ang mga kasamahan kong kukuha ng Internship, saka lamang nagkaroon ng dismissal time.

9y-k. Pagkalabas ay saktong namataan ko sina Mara maging si Eloisa at matapos namin kumain ni Eloisa, wala pang balak umuwi kaya naisipang mag-Mally. Sa Fairview Terraces namin naisipang magtungo at tamang libot-libot lang. Nang hindi pa nagsasawa sa kakapamasyal, tumungo pa kami ng SM. Sa kakalakad namin na kanina pa, sumasakit na ang mga binti ko pero sulit naman dahil nakakaaliw ang sandaling kasama si Eloisa at dami nitong kwento sa akin na ikakahalakhak mo ng todo. Bukod pa dun ay dami ko rin natutuhan sa kanya pagkat matalino siya magsalita at magbigay ng komento, kahit hindi ko nahalata nang una itong makita. Bago umuwi, kumain pa kami sa McDonalds at para lamang kaming nagde-date kung magsamang dalawa. Pagdating ng bahay, kaagad akong naglaba. Kinagabihan, hindi nanaman makatulog kaya nilibang muli ang sarili sa pagla-laptop. Bandang Alas-onse nang maisipan kong matulog.                 


April 08, 2017
Saturday

Year V-098

9y-l. Nagniningning na ang liwanag sa labas nang ako'y magising. Bago magtungo sa Eskwela para mag-enroll ng Intern, hinintay ko munang dumating si Papa sapagkat batid kong walang maibibigay si Mama na panghulog. Malapit ng sumapit ang tanghaling tapat, wala pa rin si Papa kaya napagpasyahang kay Mama na lamang humingi ng pera. Gaya pa rin ng dati at as usual, nanermon pa ito bago niya ko bigyan. Kaya hindi ko ibig na manghingi kay Mama sapagkat makakatikim pa ng mapupusok na salita. Dala ng gutom, kumain muna ako pagkatungtong ng paaralan. Saktong hindi gasinong kahaba ang pila sa may Cashier Area subalit sarado ang mga Window at ano ba yan, nag-lunch break silang lahat. Kinailangan pa naming maghintay magbukas hanggang sa kinalaunan ay may nagrereklamo na. Maya-maya ay dumating ang gwardiya at ipinabatid na para na lamang sa mga Senior High School sila tumatanggap ng bayad. Kainis, sa Lunes pa ko makakapag-install ng enrollment.

9y-m. Tumungo sa Faculty nina Sir Ronan para humingi ng Advising Form, kaso ni isa sa kanila ay hindi ko nadatnan. Sa kagustuhang mabawas-bawasan ang mga alalahanin, tumungo pa ng Clinic para humingi ng Referral form for Medical, kaso kailangan daw ng Letter at wala pa raw silang natatanggap mula kina Ma'am Trisha. Hindi tuloy ako pinayagang makakuha. Tila mauuwi lamang sa wala ang pagtungo ko ng paaralan at kainis, tila kulang sila sa pag-action. Mukhang wala na kong mapapala ngayong araw kaya napagpasyahang umalis na. Wala pang balak umuwi kaya tumungo pa ng Fairview Terraces at namasyal-masyal. Dahil nasarapan, bandang hapon na ko nakauwi ng bahay at nag-siyesta muna. Pagkagising, dumating ang ate na may dalang pasalubong na mga Pizza at dala ng pagkatakam, mabilis pa sa Alas-kwatro ang pagbanat ko. Sa sarap at malasa pa, hindi na nakapaghinay pa, ang resulta ay halos mabundat na sa labis na kabusugan at puputok na ang Tiyan, hindi na tuloy nakapaghapunan pa. Kinagabihan, walang magawa kaya panonood muli ng Telebisyon ang napagkalibangan.

9y-n. Isa nanamang kwentong natunghayan sa Maala-ala Mo Kaya ang humaplos ng husto sa 'king dibdib pagkat tungkol iyon sa isang napakasayang pamilya na sa isang iglap ay nasira magmula nang namatay ang kanilang padre de pamilya at nalulong sa ipinagbabawal na gamot ang ilaw ng tahanan hanggang sa makulong. Ang anak naman, lumayo nang husto ang loob sa ina dahil pakiwari niya, pinabayaan na sila nito at kinalimutan, kaya nagrebelde ito. Hanggang kinalaunan ay makilala nito ang lalaki na nakapiit mismo kung saan nakakulong ang kanyang ina. Naging malapit ang loob nila sa isa't isa hanggang sa mahulog at maging sila. Doon ay naging masaya siya dahil pakiramdam niya, tanging yung lalaki lamang ang pumupunan ng pagmamahal na hindi maibigay ng kanyang ina at naging sandalan nito sa oras na ito ay may pinagdaraanan subalit sa huli ay nagkamali siya pagkat bukod sa niloko ay madalas pang sinasaktan.

9y-o. Ang kanyang ina naman, hindi sumuko sa pagkukumahog na mapatawad ng kanyang anak at makuha muli ang loob nito, kahit ganon kahirap, lalo na't napakalalim ng sugat na nilikha nito sa kanyang anak. Sa huli ay napatawad naman siya at nagkaayos sila. Kahit hindi naging maganda ang ending ng kanilang love story, natutuwa pa rin dahil ang mahalaga, naging maganda ang ending sa pagitan niya at ng ina nito. Kaya nga sabi nila, mas piliin natin ang ating ina kaysa kay Boyfriend o Girlfriend dahil nag-iisa lamang sila at hindi napapalitan. Sobrang na-touch ako sa kwento at napakamakabuluhan pagkat sa kabila ng matinding pagsubok na napagdaanan nila, hindi tuluyang nasira ang relasyon nila bilang mag-ina.


April 09, 2017
Sunday

(Araw ng Kagitingan)
(Palm Sunday)

Year V-099

9y-p. Linggo ng palaspas, hudyat ng pagsisimula ng Semana Santa at isang linggo ng pag-aayuno para pagnilayan lahat ng kasalanan. Dakong Alas-otso na ko nagising at dahil magpapa-medical ngayong araw para sa Internship, daglian nang nagbihis. Sa isang clinic na kung tawagin ay Friendly Care na hindi kalayuan mula sa aming eskwela ko naisipang magpa-medical sapagkat nabatid kong mura raw doon at lahat na iyon. Kaso hindi pinalad pagkat sarado sila ng ganitong araw. May bukas na clinic naman akong napuntahan, ang problema naman ay kailangan ng request form at hindi ko alam kung paano makakakuha nun, lalo na't linggo at malamang ay hindi pumasok ang mga professor. Nakakainis lamang pagkat nagpunta muli sa wala, ano ba yan at hanggang kailan matatapos ang ganitong problema? Dala na hindi pa nakapag-agahan at labis ng kumakalam ang Sikmura, kumain muna ako sa Chowking.

9y-q. Bago umuwi at dahil Linggo ngayon ng palaspas, tumungo pa ko ng Saint Peter Church. Pagkarating, marami ng mga tao na may kanya-kanyang hawak ng palaspas at saktong nagsimula ang misa. Tungkol sa matagumpay na paglalakbay ni Jesus sa Jerusalem ang naging laman ng homily ni Father at pagninilay at pagsisisi sa mga nagawang kasalanan ngayong Semena Santa. Sa aking palagay, mahuhugasan lamang ang lahat ng kasalanan kung ito ay pinagsisihan at hindi na gagawin, hindi tulad na magpepenitensya ka tuwing mahal na araw para lamang mabura lahat ng kasalanan, pagkatapos ng iyon ay babalik sa dating gawi na makasalanan, nangangahulugan lamang na kahit mo yun, kung walang pagsisisi ay mananatiling makasalanan pa rin.

9y-r. Bago matapos ang misa, lumapit ang pari para bendisyunan ang dalang mga Palapaspas at iwinawagayway, na animo'y ipinagbubunyi ang pagdating ng ating panginoon. Pagkauwi at sa pagod, natulog muna ako. Kinagabihan at habang dumudumi sa palikuran, bigla na lamang nawalan ng kuryente. Minamalas ng lagay sapagkat kami-kami lamang pala ang dumaranas ng Brownout. Hindi ko maiwasang mainis pagkat madalas, nagkakaaberya ang kinakabitan namin at marahil ay kailangan ng lumipat, nang sa gano'y hindi na maabala pa ng brownout. Idagdag pa ang maalinsangang panahon kaya lalo pa ko nayamot. Kaagad naman naibalik ang kuryente na siyang aming ipinagpapasalamat. Matutulog na sana ako nang biglang kumirot ang Ngipin ko. Sa sakit, halos hindi na makatulog. Medyo natagalan pa bago mawala ang sakit at makuha ang masarap na pagtulog.         


April 10, 2017
Monday

Year V-100

9y-s. Lunes santo at inagahan ko sa paggising para hindi maabutan ng mahabang pila sa bayaran ng Tuition Fee. Pagkatungtong ng paaralan, liparin ako sa tuwa pagkat walang pila sa may Cashier at manaka-naka lamang ang dating ng mga magsisipagbayad, kung kaya ay wala pa sa sampung minuto, nakapagbayad na ko. Matapos ay tumungo ako sa Faculty nina Sir Ronan para humingi ng advising form. Mukhang pinapalad ako ng bahagya sapagkat nadatnan sina Ma'am Joyce at Ma'am Ria at sa kanila na kumuha ng advising form.  May ipinagawa pa sa akin si Ma'am Joyce kaya di agad nakapunta ng Enrollment area subalit ayos lamang dahil ang ibig sabihin, pinagkakatiwalaan niya ko.

9y-t. Habang nasa pila ng Photocopy Shop, biglang dumating si Nikki, non-stop muli kami sa kwentuhan. Lalong sumaya ang araw nang masilayan ang taong nagpapatibok ng aking dibdib, balak sanang kausapin o makipaglokohan sa kanya, kaso pinangunahan ng hiya at may kanya-kanyang pinagkakaabalahan. Maigi na lamang, kasama ko si Nikki kaya nawala ang pagkailang sa kanya at kahit hindi ito nakausap, sapat na sa akin ang sandaling makita ito at pinaligaya niya araw ko. Nang matapos ang ipinapagawa ni Ma'am Joyce, saka lamang nakapag-enroll, naisipan ko na rin kumuha ng grades at pagkatingin, hindi ko ikinagalak ang mga natamong grado pagkat mabababa't yung ilan ay pasang-awa. Gayunpaman, ang mahalaga'y naipasa ko lahat. Hinintay ko pang matapos si Nikki sa pagkuha ng pagsusulit at maya-maya, naghanap kami ng Clinic para magpa-medical.

9y-u. Habang papatungo'y saktong nakasalubong si Sarah at sinabing may alam itong murang pampa-medical, kaagad akong kumagat sa alok niya sa kagustuhang makatipid at lumarga na kami. Iyon pala'y kailangan pa ng Request form para may discount at mukhang kukulangin ang dalang pera kaya nakiusap ako, kinalaunan ay pumayag naman sila kahit Installment muna. Kaagad na akong sumailalim sa Examination at matapos at dala na rin ng gutom ay kumain kami ni Nikki sa Jolibee. Minsan lang ako magkaroon ng ganong kalaking pera kaya hindi na ko nagpakatipid pa't sa sarap, naparami ang kain ko. Ilang sandali pa'y nagpaalam na kami sa isa't isa. Kinagabihan, hindi nanaman makatulog dahil sa pananakit ng Ngipin. Wala akong ginawa kundi batain ang sakit. Nakatulog naman ako nang hindi namamalayan.     


April 11, 2017
Tuesday

Year V-101

9y-v. Martes Santo, tinanghali nanaman ng gising dahil sa sarap ng tulog. Hindi lamang naging maganda ang salubong ng umaga sa akin sapagkat sinisipon ako. Kahit hindi kagandahan ang pakiramdam, hindi naman iyon ang naging dahilan para maudlot ang lakad ko ngayong araw. Habang aligaga sa paghahanda at pagbibihis ang laking gulat ko nang bumisita ang Tita Susan. Saglit lamang ang aming pagkikita pagkat kaagad din akong umalis. Bago magtungo sa Eskwela ay tumungo muna sa Clinic kung saan ako nagpa-medical para kuhain ang resulta at makapagpagawa na rin ng Medical Certificate. Naibigay naman ang resulta para sa dugo at ihi subalit yung sa X-ray, mamayang hapon pa raw sapagkat nag-leave ang doctor na nagpa-X-ray sa 'kin. Nakaramdam ako ng inis nang sabihin niya iyon at ano ba yan, maghihintay pa ko para diyan sa halip na makuha na ngayon at paasa sila! Habang wala pang resulta para sa X-ray, tumungo muna ako ng School para asikasuhin ang Waiver.

9y-w. Bandang Ala-una nang bumalik ako sa Clinic at hanggang ngayon ay wala pa raw ang resulta. Naninibugho na ang dibdib ko nang panahong iyon subalit sinubukang pakalmahin ang sarili. Masamang-masama na ang pakiramdam ko nun kaya napagpasyahan ng umuwi pero habang nasa biyahe ay biglang nagbago ang isip ko at naisipang dumeretso na sa Mandaluyong para mag-inquire sa Internship. Naging napakatrapik ng biyahe lalong-lalo na sa EDSA kaya inabot ng higit isang oras bago makarating doon. Dahil baguhan lamang, nagtanong-tanong ako kung saan ang mga Mental Hospital hanggang sa makatungtong ng police station. Hindi naman ako nahirapan sa pagkalap ng impormasyon at matapos mag-usap, tumungo na ng Hospital. Sa National Center for Mental Health ako napadpad ng aking mga yapak. Manlaki ang mata ko pagkat lubhang malawak ang ospital na yun at di malaman kung saan ang office.

9y-x. Walang ginawa kundi magtanong-tanong at nang iyon ay matunton ay lakas loob na nakipag-usap sa mga Coordinator. Laking tuwa ko sapagkat tumatanggap pa sila para isagawa ang Internship subalit kailangan pa ng Endorsement Letter para makapagsimula na. Kaagad na rin akong umalis matapos makipag-usap sa kanila. Balak pa sanang mag-inquire maging sa Veterans Hospital subalit sa sobrang trapik, abutin na ng takip-silim nang makarating sa SM North EDSA at gawa na pagal na sa kakalakad, napagpasyahang ipagpabukas na lamang. Diretso kain ako pagkatungtong ng tahanan at panood ng Telebisyon. Ikinatutuwa ko ang araw na ito sapagkat may nahanap ng ospital na pwedeng pagdausan ng Internship, ang problema ay sa pagbiyahe pagkat may kalayuan. Batid ko naman na gaanoman kahirap o kaseryoso ang kinakaharap bagay, basta't may tiyaga at pananalig, makakayang lampasan.       


April 12, 2017
Wednesday

Year V-102

9y-y. Miyerkules Santo at tinanghali muli sa paggising at pagkaalmusal, kaagad ng nagbihis at umalis para ipa-notarized ang Waiver. Pagkatungtong sa may Notary Public doon sa Lagro, hindi ako pinayagang i-notarized ang Waiver sa kadahilanang walang lagda ng magulang, nanlumo ako at parang nanghina sapagkat kailangan pang bumalik sa bahay, samantalang pagkalayo-layo mula sa amin. Maigi sana kung may kamag-anak ako roon, sa kanila na lamang ipapapirma kaso wala kaya namomoblema ako. No choice ako kundi bumalik ng bahay at bago umuwi, tumungo muna ng Clinic para kuhain ang Result ng X-ray, kaso inaasikaso pa lamang nila. Habang wala pa't sa halip na maghintay, umuwi muna ako. Pagkauwi ay kaagad kong pinapirma kina Mama at dahil pabalik-balik ako, nakaramdam na ng pagod kaya nakatulog na habang nasa biyahe. Pagkamulat ay saktong nasa Lagro na ko kaya dali-daling bumaba. Laking tuwa ko sapagkat na-notarized na ang Waiver ko. Tumungo muli ako ng Clinic at nadagdagan ang galak dahil sa wakas, may result na ang X-ray. Sumailalim pa ko sa Consultation bago makuha ang Medical Certificate.

9y-z. Pagkakuha ng Medical Certificate at sa gutom na rin, tumungo ako ng Jolibee para kumain. Natutuwa ako sapagkat na-attain ko na ang hinihinging Requirements sa Internship at Endorsement letter na lamang ang kulang. Nang makapagpananghalian, tumungo pa ng School para ihabol kay Sir Ronan ang mga Requirements at makahingi ng Endorsement letter sa kanya kaso si Ma'am Ria lamang ang nadatnan ko, kinailangan pang maghintay. Maigi na lamang, kasama ko sina Eric at Caroline hindi naman nababagot sa paghihintay at kahit paano'y naaliw ako habang kakwentuhan sila. Sa tagal at pagkainip na rin, darating na sa puntong ibig ng umalis subalit inigtingan ko ang aking tiyaga at pasensiya hanggang ilang sandali pa, dumating na rin si Sir Ronan.

9z-a. Kaagad na namin ipinasa ang mga Requirements at nang bibigyan na ko ng Endorsement letter, naging paspapasan ang aking pagpapasya sapagkat di pa malaman kung saang ospital isasagawa ang aking Internship. Hanggang kalaunan, napagpasyahan kong sa National Center for Mental Health na lamang kahit nag-aalangan pa pagkat malayo. Kahit na may kalayuan at batid na maha-hassle sa biyahe, kailangan ng panindigan na doon na talaga ako at sana man lamang ay kayanin. Nang maibigay ang Endorsement Letter, nagtungo kami sa Office ni Dean Salazar para ipalagda iyon sa kanya kaso bigo itong makadaupang palad pagkat nakauwi na raw. Malapit na sana, nagkaaberya pa't ang problema'y sa Lunes pa ito babalik dahil sa Semena Santa, umuwi na lamang kami. Kinagabihan, gawa na hindi pa makatulog, nilibang ang sarili sa pag-online sa Social Media. Sa sobrang pagkahumaling, hindi namamalayang hating-gabi na.         


April 13, 2017
Thursday

(Maundy Thursday)
Year V-103

9z-b. Huwebes Santo, simula ng mahabang bakasyon at ngayong araw ginugunita ang huling hapunan ni Hesus bago tayo isalba mula sa kasalanang likha nina Eba at Adan. Tinanghali muli ako ng gising at pagkaalmusal, gawaing bahay agad ang inatupag. Ngayong holiday at bakasyon grande, heto muli ako na abala sa pagwawalis at pagpupunas. Maya-maya pa'y biglang dumating ang ate galing Taguig. Hindi ko lamang naibigan ang inaasta nito sapagkat nagtatanong lamang ako, pinagtatarayan niya ko. Kaya minsan, sa tuwing nauwi siya sa bahay, nahihirapang pakisamahan ito kahit kapatid ko siya pagkat nagmamaldita. Sa inis, nagawa ko ng mag-walk-out at pinahupa muna ang naglalagablab na dibdib. Palibhasa'y Task oriented bastard at nasanay ng makihalubilo sa mga high class kaya ganyan siya, napakakitid na ng pag-unawa. Naiinis man, nagawa pa rin hindi ipamalas ang tunay na saloobin, lalo na't panahon ngayon upang pagnilayan ang mga kasalanan. 

9z-c. Pagpatak ng tanghali at dahil nababato, nag-beauty rest muna ako. Lubhang napakaalinsangan ng nararanasang panahon kaya pagkagising, sumakit ang ulo ko at pinagpapawisan ng labis. Upang maibsan ang init, naisipan kong bumili ng halo-halo kaso nahuli na pagkat wala ng mabili. Malakas ba naman ang benta, lalo na't umaatikabo ang init kaya di kataka-takang mauubusan at kailangan masinop ka dahil lubhang mailap. Pagpatak ng takip-silim, paglalaba ang pinagkaabalahan ko. Labis ng kumakalam ang Sikmura kaya kahit Semena Santa ngayon at panahon ng pag-aayuno, naparami ang kinain ko. Pagsapit ng gabi, dama pa rin ang maalinsangan panahon at parang ibig mong bumuhos ang milagrong tubig. Hindi pa makatulog kaya nag-soundtrip muna ako. Sa pagkahumaling sa pakikinig ng musika, hindi namalayang hating-gabi na. Kahit wala pa ang antok sa mga Mata, kinailangan ng matulog. 


April 14, 2017
Friday
(Good Friday)
Year V-104

9z-d. Biyernes Santo at ginugunita naman ngayong araw ang pagpapakasakit ng ating panginoong Hesus Kristo. Sadyang malaki ang pagmamahal ang inialay niya sa atin sapagkat lahat ng kaparusahang nakalaan para sa atin, inako niya iyon lahat, mailigtas lang tayo mula sa kasalanan at wala nang makakatumbas sa kanyang ginawa. Bukod pa dun ay nadugtungan ang buhay natin simula nang ginawa niya iyon at naiba na ang kahulugan ng kamatayan sapagkat kapag namatay ka, may patutunguhan ka na, hindi tulad dati na lahat ng bagay, sa kamatayan nagtatapos. kaya hanga ako sa kadakilaan ng ating panginoon at wala siyang katulad. Bandang Alas-nuebe na ng umaga ako nagising at dahil malapit na rin ang tanghalian, di na nag-almusal pa.

9z-e. Pagtitinda ang inatupag ko ngayong panahon ng bakasyon. Kahit nakaramdam ako ng inis kay ate kahapon dahil sa pagtataray nito, naibsan iyon nang turuan niya ko kung paano gumamit ng laptop maging mga Microsoft office at dami kong natutuhan sa kanya. Napasarap ang usapan namin kaya hindi namalayan ang pagsipa ng tanghali't sana ganito kami parati, nagkakasundo at hindi nagkakasamaan ng loob. Anong tindi muli ang nararanasang init ng panahon kaya nasa bahay lamang ako sa buong maghapon at nakakawalang ganang maglakwatsa, isa pa'y baka makakuha ng sakit, sakit muli sa bulsa kapag nagkataon.

9z-f. Kinagabihan, dahil walang magandang palabas na mapanood sa telebisyon ngayong Semena Santa, sa sariling Cellphone na lamang nag-tune in. Labis kong ikinatuwa ang natunghayang kwento na tungkol sa isang pamilya na may labing limang magkakapatid at ang walo sa kanila, mga binabae. Kahit puro sila mga bakla, nagawa pa rin tanggapin ng magulan sapagkat sila raw ang nagpapaligaya sa kanila at madiskarte na siyang tunay. Kahit isipin at sabihin ng iba na ang mga bakla, salot sa lipunan at dapat pinupuksa, diyan sila nagkakamali at sa katunayan, mas magagaling pa at mababait ang mga taliwas ang kasarian kaysa sa tuwid ang kasarian. Karamihan kasi sa nakikila kong straight, masyadong palahusga at malaki na ang ulo.

9z-g. Wala sila sa posisyon para i-discriminate kami sapagkat naniniwala ako na ang bawat nilalang sa Mundo, kailangan pantay-pantay ang pagtrato. Sana naging ganoon na lang ang uri ng pamilya na kinamulatan at kinalakihan ko. Bukod sa mga bakla, may isa pa kong kwentong natunghayan na labis na ikinagulantang ng aking loob. Ipinanganak siyang babae at pambabae ang pangalan na ibinigay sa kanya dahil inakala nila, babae ito subalit nang ito'y maging teenager, unti-unting nagbago ang hitsura't pangangatawan niya hanggang sa maging lalaki ito. Iyon pala, Hermaphrodite siya at doon nila nalaman na lalaki ang kasarian nito mula ng ipanganak, hindi lamang na-fully-develop ang genital para sa lalaki kaya inakalang babae ito. Sa sobrang humaling ko sa panonood ng mga Dokumentaryo, inabot na ng hating-gabi sa pagtulog.    


April 15, 2017
Saturday
(Black Saturday)
Year V-105

9z-h. Sabado de Gloria at huling araw na ng pagninilay subalit hindi pa maaring magpakasaya sapagkat patay ang ating panginoon. Gaya ng mga nakalipas na araw, tinanghali muli ng gising kaya hindi na ko nag-almusal pa. Gawaing bahay agad ang siyang inatupag at halos bahingin dahil sa nasisinghot na alikabok habang nagwawalis. Matapos ang gawaing bahay, pagla-laptop ang inatupag ko. Maya-maya at habang aligaga sa ginagawa, bumaba ang Pusa galing kisame dala-dala ang maliliit nitong anak. Lubhang napaka-cute. Natuwa ako kaya sinabi ko kina Mama na mag-aampon ako ng dalawa subalit kinontro ng ate at ang sabi "Ano raw ang ipapakain ko sa kanila at kailangan ng itapon lahat". Hindi ko naibigan ang mga iniwika niya at nakadagdag pa sa inis nang kwestyunin niya ang pagiging maawain ko. Nayamot na ko nun kaya hindi napigilan ang bibig na makapagbitaw ng nakakapasong salita, tuloy nagsagutan kami't parang pakiramdam ko, wala ng ginawang tama ultimo pagiging maawain ko pagkat parati raw wala sa lugar.

9z-i. Away lamang namin ito mag-ate subalit maging si Mama, nakisangkot at tila pinapalabas na ako pa ang masama at mali kaya patuloy akong nakipagsagutan sa kanila. Hindi ko lamang sukat akalain na dahil lamang sa pusa, nag-ugat ang pag-aaway namin. Nang pakiwaring hindi nila ibig ang magpatalo at sa kagustuhang huwag nang lumala ang away, mas pinili na lamang manahimik at hinayaan sila. Batid kong mali na sagutin ng ganon ang ate subalit nakakapikon kasi siya't may gana pang manumbat, hindi porket na may naibabahagi na siya sa pagtubos sa lahat ng pangangailangan ko. Kaya ko naman maging mabait at tumanaw ng utang loob, basta maging ayos sila sa akin, hindi iyong nanunumbat na tila ipinapamukhang ingrata ka.

9z-j. Sa huli at para matuldukan na ang aming hidwaan, ako na mismo ang nagtapon sa maliliit na pusa sa Sapa kahit namamayani ang konsensiya at pagkahabag. Subalit ang hindi nila alam at sa awa ko na rin, nagtira ako ng dalawa at itinago. Patawarin nawa ako ng Diyos kung naging malupit sa hayop at sana sa mga pusang itinapon ko, may kumupkop sa kanilang tao na tipong may busilak ang kalooban at hindi sila pakikitaan ng kalupitan kailanman. Nanghihinayang lamang ako sa ginawa dahil ang Cute nila, itinapon ko lang. Saka lamang naging ayos sina Mama na tila bumalik sa dati ang pakikitungo nang gawin ko ang bagay na kahit labag sa kalooban ko. Kinagabihan at gawa na hindi pa makatulog, panonood muli ng dokomentaryo ang inatupag ko. Gabi na subalit patuloy pa rin akong binabagabag ng awa dahil sa ginawa ko't naawa ako sa inahing Pusa namin sapagkat nangungulila ito. Sa awa ko, hinayaan ko na lamang ito mahiga sa higaan ko. Bandang Alas-onse na rin nang makatulog ako.


April 16, 2017
Sunday

(Easter Sunday)
Year V-106

9z-k. Pasko ng pagkabuhay at hindi kaila na bawat isa sa atin ay masaya dahil buhay na ang tagapaligtas natin. Bukod pa dun ay tapos na rin pag-aayuno at pagninilay sa mga kasalanan nitong nagdaang Semana Santa. Magandang pagkakataon ang araw na ito para makapagsimula ng matiwasay at magbagong buhay na rin matapos pagsisihan ang mga kasalanan. Sumapit na ang Alas-siete at tirik na ang araw nang ako'y magising. Dahil Easter Sunday, tila bumabalik sa dating sigla ang kapaligiran pagkat naghahari muli ang kaingayan, matapos ang ilang araw na tahimik. Kung ganito lamang pala, sana Semena Santa na lamang parati nang sa gano'y tahimik at makakapag-isip ka ng maayos. Bukod pa dun ay hindi ka makakagawa ng kasalanan, maliban na lamang kung nanaisin. Pagkabangon at almusal, gawaing bahay agad ang inatupag ko. Walis dito, walis doon, iyon lamang ang ginawa't kahit simple lamang, para bang nanghihina sa hindi maipaliwanag na dahilan.

9z-l. Maya-maya pa'y biglang napasugod sa palikuran. Makailang ulit nang nagdudumi kaya pakiwaring ninakawan ng lakas subalit ipinagpatuloy pa rin ang paglilinis sa loob ng bahay. Hindi naman nagtuloy-tuloy ang pagdurumi ko't humupa pagsapit ng tanghali. Kinahapunan at dahil bukas na ang simula ng aking Internship, pamamalantsa ng isusuot na uniporme ang pinagkaabalahan. Nakakakaba lamang, dahil unang beses lamang haharap sa ganito at sana'y kayanin. Kinagabihan at gawa na nababagot at hindi ibig pang magmukmok, nilibang ang sarili sa panonood ng telebisyon. Sumipa bigla ang habag sa dibdib nang matunghayan sa isang tampok ang tungkol sa naging kasaysayan sa Poland noong World War II.

9z-m. Animoy mga hayop lamang kung pahirapan at paslangin ng mga mananakop na German ang mga tao roon sapagkat bukod sa tinu-torture at pinaggugulpi ng walang awa ang mga bihag, kinukuryente pa at ang ilan, inilalagak sa naglalagablab na hurno hanggang sa maabo. Bata, matatanda o kahit may karamdaman pa, basta walang silbi sa kanila ay nakatikim ng kalupitan sa ilalim ng pamahalaang German sa pamumuno ni Adolf Hitler at hindi akalaing maihahalintulad na siya demonyo at mas masahol pa siya kay Ferdinand Marcos sapagkat maging mga hudyo, pinulbos niya. Kung iisipin at sa aking napanood, mas matindi pa ang dinanas ng mga Polish noong World War II kung ikukumpara sa dinanas natin sa kamay ng mga Hapon nang panahong iyon. Maaga pa ako magigising bukas kaya maaga ding matutulog. Sa sobrang pagkasabik ko sa unang araw ng Internship, hindi na ko makatulog.  


April 17, 2017
Monday

Year V-107

9z-n. Balik sa dating gawi matapos ang nagdaang bakasyon nitong Holy Week. Lunes nanaman pala at kasabay ng pagsapit ng araw na ito ang pagsisimula ng aking Internship. Kahit may kalayuan ang pagdarausan ng Internship, kakayanin basta ang hangarin ko ay malampasan ito at may matutuhan. Alas-singko pa lamang nang magising ako at nag-almusal. Sa takot na mahuli ay binilisan ko sa pagkilos subalit sadyang matulin ang takbo ng oras at hindi namamalayang Alas-siete na. Pagkatungtong ng Highway at dahil madalas pa-Northbound ang sinasakyan ko at ngayon lamang sa Southbound, hindi ko inasahang ganong karami ang nag-aabang na biyahero, dahilan kung bakit nahirapang makahanap ng masasakyan pagkat madalas ay punuan. Mahuhuli na talaga ako subalit walang magawa kundi maghintay. Medyo natagalan pa, bago ako makasakay at maaga pa lamang, hassle na ko sa biyahe at haggard na rin pagkat siksikan pa. Batid kong aabutin ng siyam-siyam bago makaratimg ng Mandaluyong kung ipagpapatuloy ang pagsakay sa bus, sa sobrang trapik ba naman sa EDSA, lalo na't rush hour pa kaya napilitan akong gumamit ng MRT, kahit batid kong maaring kapusin sa paghinga dala ng siksikan.

9z-o. Pagkatungtong sa Station, hindi naman gasinong mahaba ang pila subalit hindi ako kaagad nakasakay nang dumating ang Tren pagkat siksikan, naghintay pa ng susunod na tren. Nang dumating, lakas-loob kong sinuong ang siksikan sa loob ng tren. Habang na-biyahe, mainit, halo-halong amoy ang nalalanghap at di na makakilos pagkat siksik, liglig at umaapaw na kami, ilang lamang iyon sa naging karanasan subalit dapat nang masanay pagkat araw-araw ko na ito kakaharapin. Halos papatak na ang Alas-nuebe nang makatungtong sa Mandaluyong at pagkarating sa NCMH, umiral ang galak sa dibdib pagkat bukod sa akin, saktong naroroon din ang ilang kamag-aral, karamihan sa kanila, mga kamag-aral sa Dash 1. Magkakaroon muna raw ng Orientation bago magsimula ang Internship at nang lumapit si Rhica para singilin sa orientation, nagulantang ako pagkat hindi akalaing ganung kalaki.

9z-p. Walang dalang perang nagkakahalaga ng higit isang libo kaya nakiusap kung pwede sa ibang araw. Sinabi nila kapag di raw nakapagbayad ngayon, kusang tatanggalin ako sa Slot. Batid kong wala na marahil maibibigay sina Mama kapag nanghingi ako, sa dami ba naman ng gastusin at yamang tatanggalin din naman sa slot, napagpasyahan kong umalis na lamang doon at lumipat. Grabe naman pala ang Hospital na 'yun at tila pini-pressure nila kaming mga Trainee sa pera, mga walang konsiderasyon! Akala ko, ayos na roon pero nagkamali ako sa pagpili. Magastos na nga sa pamasahe pagkat malayo, heto pa't may pagkakagastusan pa. Maigi kung pwede pa bukas, doon na talaga ako pero hindi at maigi na rin itong naging pagpapasya ko. Pagkatungtong ng bahay, kaagad kong inilahad kina Mama ang naging desisyon ko.

9z-q. May maibibigay naman silang pera ngayon, ang sa akin lang, kahit batikanong gastador sa paninging nila, marunong naman akong magpahalaga sa perang ibinibigay nila't gusto kong maging praktikal para hindi kawawa sa huli. Sumang-ayon naman sina Mama sa naging desisyon ko't nang makapagpananghalian, tumungo na ko ng School para kausapin si Sir Ronan hinggil sa pagpapalipat ko. Mabilis pa sa guhit ng kidlat ang pagpayag ni Sir at sa katunayan,  nagrekomenda siya ng hospital na walang bayad sa akin, kaso tinanggihan ko pagkat kailangan ko pang mag-isip-isip. Naroroon sina Eloisa at Rafa at sa kanila na lamang bumabase kung saan ako. Maya-maya, inaya nila akong mag-inquire sa City Hall. Pumayag naman ako, kaso sa halip na sila ay si Sarlyn ang nakasabay ko at pagkatungo roon at sa laki, halos maligaw na kami't hindi na magkakitaan.

9z-r. Sa halip na hanapin pa sina Rafa, iginugol namin ang oras sa pag-i-inquire. Namayani ang tuwa dahil may ni-refer silang hospital sa amin at di na kailangan pang lumabas ng QC, kaso iniisip namin kung may Slot pa't bahala na. Sana, iyon na ang tamang Ospital para sa akin nang sa gano'y makapagsimula na. Bandang Alas-kwatro na ng hapon ako nakauwi sa bahay at sa pagod, umidlip muna ako. Nang pagabi na ay biglang bumuhos ang malakas na ulan at sa tagal, aakalaing tag-ulan na kahit Summer pa lamang. Gayunpaman ay hindi pa rin naibsan ang nararanasang alinsangan. Tumagal ang ulan hanggang gabi. Lugmok na ang mata sa pagod kaya daglian nang natulog matapos itutok ang mata sa telebisyon.      


April 18, 2017
Tuesday

Year V-108

9z-s. Pagkabangon at almusal, kaagad na kong nagbihis para sa muli kong paghahanap ng site na maaring pagdarausan ng Internship. Sa Quezon City Drug Treatment and Rehabilitation Center o mas kilala sa tawag na TAHANAN doon sa Molave, Payatas ako nagtungo para mag-inquire at pagkatungtong, saktong naroroon sina Maan at Isadora. Naiingit lamang ako sa kanila sapagkat nakapagsimula na sila ng OJT, samantala ako, heto at naghahanap pa rin. Sa kanila na rin ako nagtanong kung anong gagawin at nang makakuha ng sapat na impormasyon, kaagad din akong umalis. Sa sipag kong ito at pagkukumahog, bukod sa TAHANAN ay nag-inquire din ako sa Able Minds doon naman sa Lagro kaso hindi na nila ako matatanggap pagkat puno na ang Slots.

9z-t. Nang makapagpasya kung saan talaga ako mag-i-intern,  tumungo na ng School para humingi ng Endorsement Letter kay Sir Ronan. Kaagad naman niya ko nabigyan ng panibagong Endorsement Letter, ang problema, hindi agad mapapirmahan sapagkat wala ang Dean at mamayang hapon pa raw ang dating nito. Sa halip na umuwi na'y kinailangan ko pang maghintay. Habang naghihintay ay tumungo muna ng Computer shop para malibang. Maya-maya pa, dumating si Sarlyn at siya lamang ang nakasama ng mga oras na iyon. Kahit kamakailan lamang kami nagkakilala, pakiwari ko'y close na isa't isa kung mag-usap at nagawa ko ng magkwento sa kanya ng marami. Open din ito sa akin at mabait kaya lalo pang lumalapit ang loob sa kanya. Dahil dun kaya tinuturing ko na siyang bagong kaibigan. Ilang sandali pa, pinuntuhan namin si Sir Ronan para magtanong hinggil sa Internship.

9z-u. Sa dami ng nagpapaasikaso sa kanya ng Endorsement letter, hindi agad makausap pero panay ang pahirit nitong biro kaya tawanan kami habang naghihintay. Bukod sa nagbibiro'y lakas din mang-trip ni Sir Ronan maging si Ma'am Ria sa akin at sa mga biro nila'y parang ayaw nila akong mag-OJT. Dahil sa kanila, sumaya ang sandali namin habang naghihintay at hindi akalaing ganoon sila makitungo kapag hindi oras ng klase. Sa lakas ng trip nila, parang gusto ng makipagbiruan sa kanila, kaso inisip pa rin na hindi magkapantay ang katayuan nila sa akin at may pagrespeto ako. Matapos makipag-usap at lokohan na rin kay Sir Ronan, umalis na kami.

9z-v. Bandang Alas-dos na nang sa wakas, napirmahan na ni Dean ang Endorsement Letter. Nanatili muna ako sa School at tamang tsika lang kay Sarlyn, ilang sandali pa'y nagpaalam na kami sa isa't isa. Pagkauwi, sina Papa at Kuya Al lamang ang nadatnan ko't wala si Mama. Sumapit na ang gabi, hindi pa dumarating si Mama, iyon pala at nalaman-laman ko na nagtungo na ito ng Cagayan. Nakakainis lamang at hindi ito nagsabi sa akin, nabigla tuloy ako. Dahil nasa Cagayan ang Mama, sa halip na manuod ng telebisyon ay ako ang namahala sa tindahan. Pagpatak ng Alas-nuebe, napagpasyahan na namin ni Papa na magsara. Kung kailan abala ako sa paghagilap ng pagdarausan ng Internship, saka umalis si Mama at wrong timing. Nagligpit-ligpit muna ako ng mga damit at matapos ay natulog na.


April 19, 2017
Wednesday

Year V-109

9z-W. Sa kasarapan muli ng tulog, maliwanag na sa labas nang ako'y magising. Dahil nasa bakasyon ang ilaw ng tahanan, ako ang namahala sa tindahan. Walang gasinong bumibili kaya nakakabagot. Gawa na nababato habang nagtitinda, naisipan kong maglaba. Mga punda ng una at kumot ang naisipang labhan at sa dami, abutin ng dalawang oras. Paglalaba't pagtitinda, pinagsabay ko at hirap pala ang Multi-tasking pero kinaya ko. Sa dami ng nilabhan at gawa na hindi pa nakakapag-almusal, umatake na ang gutom sa Sikmura. Gawa na wala pang nalulutong ulam, pagluluto ang sunod kong inatupag. Nang malamnan ang Sikmura, saka lamang ako nakapagsampay ng mga nilabhan. Pagkatapos ay ngayon lamang makakapagtinda ng maigi. Habang aligaga sa pagtitinda'y biglang nag-chat si Eloisa at sinabing magpapasa na raw sila ngayon ng Endorsement Letter sa City Hall.

9z-X. Hindi dapat ako sasabay sa kanila pagkat hinihintay ko pa kay Sarlyn at bukas pa namin balak magpasa. Ikinapangamba ko ang sinabi ni Eloisa na baka maubusan ng slot ngayong araw kaya dali-dali akong nagpunta ng Paaralan. Kaagad ko naman namataan sina Eloisa na naghihintay pirmahan ang kanilang Endorsement Letter ni Dean. Kailangan kong masabihan si Sarlyn kaya hinanap kung saan ito nagklaklase't nang masumpungan, si Ma'am Ria ang professor nito. Nung una'y nakaramdam ng hiya kaya hindi agad makapagpaalam pero nang magkaroon ng lakas ng loob, tahasan akong pumasok at ipinagpaalam si Sarlyn. Sa bait ni Ma'am, kaagad itong pumayag.

9z-Y. Kaagad namin pinuntahan si Sir Ronan para magtanong at laking tuwa nang sabihin nito na pwede na makakuha si Sarlyn ng Endorsement Letter kahit result lang at hindi medical Certificate. Tutungo na dapat kami ng Clinic para kuhain ang result nang matuklasan ni Sarlyn na naiwan pala nito ang Waiver, dali-dali itong umuwi. Sa totoo lamang ay nakaramdam ako ng inis sa kanya pagkat sa nangyaring ito, mukhang alanganin na sa kanyang makakuha na ng Endorsement letter ngayon, kung alam ko lamang na mangyayari ito, dapat sumabay na ko kina Eloisa. Sa halip na si Sir Ronan, saktong si Sir Jigo na ang namamahala sa pagbibigay ng Endorsement Letter at paalis na rin ito, subalit di pa dumarating si Sarlyn.

9z-Z. Alang-alang sa kanya ay lakas-loob kong pinigilan si Sir Jigo sa pag-uwi pero buo na talaga ang paninindigan nito't bukas na raw ang balak pang kumuha. Huli na nang makabalik si Sarlyn at gawa na wala na sina Sir Jigo at Sir Ronan, sa halip na maghintay umuwi na lamang kami. Sa kakahintay kay Sarlyn, pakiramdam ko'y nalalagay na sa alanganin ang pagsisimula ko sa Internship pero hindi pa rin nawawalan ng pag-asa na balang araw ay makakapagsimula. Kung tutuusi'y nakapagsimula na dapat kung di lamang lumipat mula sa NCMH, kaso hindi naman ako nagsisisi at dapat lamang iyon. Pagkauwi'y pagtitinda agad ang inatupag hanggang gabi. Bandang Alas-nuebe nang mapagpasyahan naming magsara.


April 20, 2017
Thursday
Year V-110

10A-A. Tinanghali muli sa paggising at matapos magkape, pagtitinda muli ang inatupag ko. Saka lamang nakapagbihis nang dumating si Papa galing palengke. Bago magtungo ng City Hall para magpasa ng Endorsement Letter maging Resume, nagtungo muna ng Computer shop. Kung kailan ipapa-print ang Resume, nabuwisit ako sapagkat hindi mabuksan ang Yahoo Mail sa hindi malamang dahilan. Nandoon na nga ang Technician at kung ano-ano na ang ginawa, subalit hindi pa rin mabuksan. Hindi ko akalaing hahadlang ang problema sa balakin ko ngayong araw. Sa halip na dumeretso ng City Hall at dahil hindi maipa-print ang Resumé, nagtungo ako kay Kuya Denver.

10A-B. Naka-log-in naman kapag sa aking Mobile phone, iyon nga lang hindi mai-save ang files ng Resume gawa na mabagal ang Data Connection at nang masubukan sa kanilang PC, hindi rin mabuksan at sinabing hindi na raw mare-recover pero may pag-asa pa, basta palitan ko na ang Number sa Yahoo Management. Nang maikonekta sa aming Wi-Fi para magawa iyon, nagkaproblema rin. Pambihirang buhay ito't nagkasunod-sunod ang problema't halos magwala na sa sobrang stress. Kinuha muna ni Kuya Denver ang Cellphone namin maging router para maaksyunan at kinailangan ko pang maghintay. Dakong Alas-dos na nang ganap na maayos ang aming Wi-Fi at sa wakas, makakapagpa-print na rin ng Resumé.

 10A-c. Pagkatungo ng City Hall, hinintay ko muna ang Chat ni Sarlyn bago magpasa ng Resumé at Endorsement Letter subalit wala akong natatanggap ni isang reply niya kaya napagpasyahang ako na lang mag-isang magpasa. Laking tuwa ko nang sabihing marami para slot sa Molave. Matapos bigyan ng impormasyon, kaagad din akong umalis. Sa halip na umuwi, tumungo muna ako ng TAHANAN at maligaw ako sa pagtungo roon. Naranasan ko munang mapagod ng husto sa kakalakad at balik-panaog, bago iyon marating at sinabing wala silang lahat pagkat outing raw. Sa halip na manatili pa roon, umuwi na lamang ako. Pagkauwi ay diretso hapunan at panonood ng telebisyon. Kinagabihan naman, pagtitinda ang inatupag ko. Lugmok na ang mata sa antok kaya maaga kaming nagsara.   


April 21, 2017
Friday
Year V-111

10A-D. Nanaginip ako, tungkol iyon sa aming dalawa ni Mama na nag-away dahil sa nagawa nitong hindi ako naibigan. Sobrang namuhi ako sa kanya't sa galit, tahasan ko siyang nasisigawan at napagsasalitaan ng masasakit. Tumagal ang aming hidwaan at kinalaunan, siya pa mismo ang humingi ng tawad sa kabila ng mga nasabi ko sa kanya. Kumurot sa dibdib ko ang mga sinabi nito kaya ako'y naiyak. Habang umiiyak ay doon na nagising at nagkatotoo ang pag-iyak ko. Sana mangyari rin sa totoong buhay ang napaginipan ko't marahil ay nakakapanibago kapag ginawa iyon ni Mama sapagkat sa tuwing nagkakagalit, di niya ugaling humingi ng tawad kahit siya ang mali. Matapos magkape, pagtitinda agad ang inatupag ko. Bibihira lamang ang bumibili kaya pinagsabay ko na ang gawaing bahay at pagtitinda. Maya-maya't habang aligaga sa pagtitinda, inutusan ako ni Papa na bumili ng pagkain sa Chocks To Go bilang aming pananghalian.

10A-e. Kaarawan ngayon ni Papa at batid kong hindi nito kakainin ang binili ko sapagkat hindi ito mahilig sa manok, ang awkward lamang kung kami lamang ang kakain samantalang nakatulala lamang siya kaya hindi ko sinunod ang utos ni Papa at tumungo sa Ever Gotesco Mall. Naghanap-hanap pa ko kung saang restaurant bibili ng pagkain at dahil may kamahalan ang karamihan sa mga menu na nakikita ko sa bawat restaurant na puntahan, nahirapan ako sa pagpili, hanggang napagpasyahang sa Greenwich na lamang bumili. Dahil naging masinop ako sa pagpili, swak naman sa bulsa ang nabiling pagkain maging sa Sikmura, kaso nga lang kinainis ko ang sinabi ng crew, pagkat wala silang plastic na lalagyan para isang bitbitin na lang, ang resulta'y tila kalbaryo sa akin ang pagbitbit. Mula Ever hanggang Sandigan, buong tiyagang nilakad kahit nahihirapan sa pagbitbit at idagdag pa ang pagiging tirik ng araw. pagpawisan ng todo pagkatungtong ng terminal.

10A-F. Saka lamang natapos ang pagdurusa ko sa pagbibitbit nang makauwi't sa gutom, daglian nang kumain. Dahil minsan ko lamang matikman ang biniling pagkain, dinamihan ko na't kahit tatlo lamang kami'y animo'y dinaraos ang kaarawan ni ama dahil pinagsasaluhan ang pagkain at sulit naman dahil nabusog ako ng husto. Nang matapos sa pagkain, on duty muli ako sa pagtitinda't walang siyesta-siyesta pagkat maghapon ito. Pagpatak ng hapon at sa sobrang alinsangan ng panahon, nagbabadya nang umulan. Gulantang ang dibdib nang masilayan ang napakatalim na kidlat at sinundan pa ng malagranadang dagundong ng kulot. Hindi lang isang beses kundi makailang ulit kaya nakakaramdam na ng takot at pasidhi nang pasidhi habang tumatagal. Kahit balisang-balisa na sa takot, nilabanan ko iyon, maipagpatuloy lamang ang pagtitinda.

10A-g. Nang hindi na talaga makayang pigilan ang takot, dali-dali nang nagtago sa kwarto. Ilang sandali pa'y bumuhos na ang ulan. Nakakapagtaka lamang dahil sa ganitong panahon, bibihira lamang ang mga pag-ulan o madalas ay wala subalit tila dumadalas na ngayon, epekto na marahil ng Global Warming at kahit panahon ng tag-init ay maaring may pag-ulan na o kahit bagyo pa. Kinagabihan, pagtitinda pa rin ang inatupag ko. Madalang lamang ang bumibili kaya maaga kaming nagsara. Hindi pa ako makatulog kaya naisipan kong kumanta-kanta. Kahit batid ko na hindi pinagkalooban ng magandang tinig, basta sanayin lamang ay mahuhubog din at magiging kaaya-aya sa pandinig ng iba. Huwag ikahiya kung ano ang kinasasadlakan mo ngayon basta hindi masama at nakasasama sa lahat.   


April 22, 2017
Saturday
Year V-112

10A-h. Sarap na sarap ako sa pagtulog nang magising dahil sa boses na pamilyar sa aking pandinig, pagkamulat, umaga na pala't nakabalik na rin buhat sa Cagayan si Mama. Medyo inaantok pa ko kaya sa halip na manalubong sa kanya, natulog muna ako. Dakong Alas-otso nang mapagpasyahang bumangon. Matapos ang ilang araw at dahil nandito na si Mama, sa halip na pagtitinda'y gawaing bahay na lamang ang inasikaso ko. Maya-maya pa, tanghalian na rin at matapos kumain, biglang nanakit ang Ngipin ko't hindi pangkaraniwan ang sakit kumpara sa mga naranasan ko't napakahapdi. Tiningnan ko't laking gulat pagkat nagdurugo na pala ang sirang ngipin. Gumawa ako ng paraan para mapahinto ang pagdurugo. Tumigil naman ang pagdurugo subalit ang sakit ay tila hindi nababawasan. Itinulog ko na lamang ang pananakit ng Ngipin.

10A-i. Malapit nang pumatak ang Alas-singko nang magising at saktong nawala na ang sakit sa Ngipin. Tinamaan ako ng gutom kaya kahit nangangambang matamaan ng tipak ng pagkain ang nabubulok na Ngipin, bumanat pa rin ng dalang pasalubong ni Mama. Sa takaw kong ito, nagawa ko pang maghapunan at thank God dahil sunod-sunod ang dumarating na pagkain sa amin, abot-langit na ang natatamong kabusugan. Kinagabihan, panonood ng dokumentaryo sa I-Witness ang napagkalibangan ko. Habang pinapanood ang tampok nilang dokumentaryo tungkol sa isang pamilyang nakatira sa mundong tambak ng basura, nakaramdam ako ng habag. Paano kaya nila nakakayanang mamuhay sa masangsang na amoy hatid ng mga basura na katabi lamang nila't delikado iyon para sa kanila. Bukod pa dun ay may mga maliliit pang batang nakatira roon na ang rurusing ng hitsura't nangangayayat pa na tila napapabayaan na ng magulang kaya umigting pa lalo ang habag sa dibdib at parang ibig silang tulungan.

10A-j. Nakakatuwang isipin na mapalad pa rin pala kami, kahit napagdadaanan ang problema sa buhay, nakakain pa rin ng tatlong beses sa isang araw o kung minsan labis pa nga't nakatira sa ligtas at malinis na lugar kahit nakakairita ang ingay ng mga kapit-bahay at tambay, hindi gaya nila na talagang hikahos at halos wala nang makain kahit kumikita mula sa pagbabasura. Kawawa lamang ang mga maisisilang pa roon sapagkat masalimuot na mundo ang kamumulatan nila. Hindi ko akalaing may ganung uri ng pamumuhay dito sa ating bansa na ganong kagrabe. Hindi ko sa sinisisi ang ating gobyerno pero sana'y isa iyon sa mapag-ukulan nila ng pansin, nang sa gano'y wala nang magdusa pa mula sa kahirapan at bigyan ng maayos na trabaho at tulungang makaahon. Tunay ngang malala pa rin ang kahirapan sa Pilipinas sa kabila na ito'y umaasenso na.   


April 23, 2017
Sunday

Year V-113

10A-k. Linggo nanaman pala't maaga na kaya kailangan nang bumangon. Pagkabangon at gawa na nababagot, naisipan kong magtinda muli. Si Mama na pagkaaga-aga, muling dumadakdak dahil lamang sa payong. Napakaliit na bagay lamang iyon at hindi ko ibig na lumaki pa kaya kahit pinapaulanan ng maanghang na salita, hinayaan na lamang ito't hindi sinagot. Isa pa'y nagkakaedad na rin kaya madalas uminit ang ulo. Nang hindi talaga ito tumigil ay nairita na ko't darating sa puntong ibig na siyang sagutan pero buti't napigilan ang sarili. Parang payong lamang kasi, napakalaki na ng problema niya. Matapos magtinda, gawaing bahay ang sunod na pinagkaabalahan. Pagpatak ng tanghali, halos ikatigang na ang maalinsangang panahon at di maiwasang mamaypay kaya nang hapon, biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. Bata o kahit mga kasing-edad ko, masayang naliligo sa ulan at tila marami pa ang hindi naliligo na ngayon pa lamang pagkat nakuha pang magsabon. Habang pinagmamasdan ang mga naliligo sa ulan ay di mapigilang mainggit.

10A-l. Tumagal din ang ulan ng isang oras. Nakakabagot at bilang libangan, naisipang kong umawit. Sa una'y nahihiya pang kumanta sa takot na marinig ng kapit-bahay subalit nang makailang kanta na, doon na lumakas ang loob at humataw sa pagbirit. Batid kong ipit na parang ibong piririt ang boses pero basta sinasanay lamang at may pananalig, pasasaan pa't maayos din. Nagpatuloy ako sa pagkanta't habang tumatagal ay unti-unting nadidiskubre kung anong dapat gawin kapag umaawit. Tama si Sir Esguerra, hindi dapat sa ilong nanggagaling ang artikulasyon kundi sa dibdib para hindi nakakapagod at kapusin ng hinga kahit makailang kanta pa. Sinubukan ko ang sinabi ni Sir at totoo nga, kahit matataas ay hindi ako napapapiyok at salamat sa kanya. Maganda rin pakinggan kapag sa dibdib kaysa sa ilong.

10A-m. Kinagabihan at habang tinutunghayan ang tampok na programa sa Kapuso mo, Jessica Soho, kinurot muli ng habag ang dibdib ko sapagkat may tatlong magkakapatid ang parehong tinamaan ng Liver Cancer at ang dalawa sa kanila, pumanaw na. Nakapapanghinayang lamang sapagkat ang gugwapo pa naman nilang tatlo pero may sakit at masyadong masalimuot. Bunso na lamang ang buhay na may sakit din at ipagpatuloy lamang niya ang paglaban at manalig ng husto sa Maykapal, nang sa gano'y hindi ito magaya sa nakakatanda nitong mga kapatid. Sakit man, problema o kahit mga nakaambang kalamidad gaya ng bagyo, di hamak na mas malakas ang Diyos at makakayang sagupain ang mga 'yon kung may pananalig sa kanya. Batid kong hindi niya tayo pinababayaan kahit makasalanan dahil mahal niya tayo.


April 24, 2017
Monday

Year V-114

10A-n. Kakasikat pa lamang ng araw at maaga pa subalit nag-uumapaw na ang pagbubunganga ni ina't sa dami ng sinasabi'y tila napakarami ng pinoproblema nito. Ang walang puknat na kanyang pagtalak ang nagpagising sa 'kin at bumangon na. Nang una'y hinayaan ko lamang ang pagbubunganga nito pero nang hindi na matiis, doon na ito nasagot-sagot. Napakainit ng ulo niya't maging si Papa, napagsasalitaan nito. Ayaw ko ng tumagal at lumala pa ang sagutan namin kaya lumayo na lamang ako't hindi inintindi ang kanyang sinasabi. Ganyan naman siya parati't sanayan lamang. Walang magawa kaya gawaing bahay ang inatupag ko't hanggang ngayon ay wala pang natatanggap na text mula sa City Hall para sa Internship kaya di mapigilang mangamba, hindi malaman kung kailan magsisimula at walang kasiguruhan.

10A-o. Pakiramdam ko'y habang tumatagal ay lalong nagiging alanganin pero hindi pa rin nawawalan ng pag-asang makakapag-OJT pa this Summer. Kinatanghalian at gawa na walang magawa, kahit nuknukan sa alinsangan ang panahon ay tumulog na lamang ako. Kinahapunan, panonood muli ng dokumentaryo ang inatupag ko't dami kang bagay na natutuklasan at nagbibigay pa ng kaalaman kapag nakakanuod ng ganong programa, interesting pa ang bawat tampok. Sarap na sarap at buhay hayahay ako sa panonood, naantala nang utusan ni Mama na magsampay.

10A-p. Kahit labig man sa kalooban na tulungan ito gawa na may hinanakit sa mga sinabi niya kanina, naawa ako't nakonsensiya kaya ako na mismo ang nagsampay at tumapos sa kanyang gawain. Kinagabihan, bilang libangan ay naisipan ko muling umawit. Walang pagbabago at ibong piririt pa rin kung pakikinggan sa record video. Aminado naman na hindi pinagkalooban ng ginintuang tinig pero umaasang balang araw ay magiging kaaya-aya ang tinig sa pandinig at walang masama kung susubukang hasain. Habang bumibirit, pakiramdam ko'y isang magaling na singer at di na inalintana kung ano ang sasabihin ng makakarinig na kapit-bahay. Medyo nasarapan ako sa pagkanta-kanta kaya Alas-onse pasado na't kailangan ng matulog.    



April 25, 2017
Tuesday
Year V-115

10A-q. Pagkagising, kaagad na akong naghanda-handa para sa pagtungo sa City Hall at alamin ang dahilan kung bakit hanggang sa mga oras na ito, wala pang natatanggap na text mula sa kanila, bagay na napag-usapan bago sumailalim sa Interview at Internship. Dakong Alas-nuebe nang makarating ako ng City Hall at bago pumasok sa opisina ng QCADACC, hinintay ko muna si Sarlyn o si Eloisa. Habang hinihintay sila, umiiril ang inis sa dibdib, pagkat iniisip ko'y wala silang ginagawang aksyon para maipasok kami sa OJT at marahil iyon ang dahilan kung bakit wala pang natatanggap na contact. Kainip din ang maghintay pagkat ang tagal-tagal at parang umaasa na lamang sa wala habang tumatagal. Kung alam lamang na ganito ang kahihinatnan, hindi na lamang ako umalis ng NCMH, dili sana'y nakapagsimula na't nakarami na ng oras, nagsisisi tuloy ako. Makalipas ang isang oras na paghihintay, dumating na si Eloisa subalit hindi pa kami kaagad na pumasok pagkat hinihintay pa si Sarlyn.

10A-r. Mukhang wala nang pag-asa pang dumating ito kaya napagpasyahan ng pumasok. Naging napakaabala nila kaya hindi agad kami naasikaso subalit nakausap naman ang HR Assistant kinalaunan. Habang ito ay kausap, bigla naman dumating si Sarlyn. Kumabog ang kaba sa kanya-kanyang mga dibdib habang siya'y nagpapaliwanag at napanatag ang loob dahil unti-unti nang nasisilayan ang pag-asang makapagsimula. Sumailalim pa kami sa Interview at kahit simpleng tanong lamang, hindi makasagot dahil sa hiya't takot na magkamali. Mabuti na lamang, kasama ko ang dalawa't sila ang sumalo sa mga katanungan. Kaagad din naman natapos ang interview at inisyuhan na ng Endorsement Letter. Pagkabigay ng letter, dumako na kami sa TAHANAN upang ipasa iyon.

10A-s. Pagkatungo, laking gulat ko pagkat doon din nag-i-intern sina Limboc maging sina Ella. Hindi rin kami nagtagal roon at sa kagustuhang magpahinga, sa halip na magsimula na'y hiniling namin bukas na lang. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya naisipang magtungo ng School.  Minamalas lamang ng lagay pagkat habang papatungo'y biglang bumuhos ang ulan, wala pa naman dalang payong kaya-kaya dali-daling naghanap ng masisilungan at heto tuloy ako, basang-basa sa ulan. Bago magkumpyuter ay kumain muna ako. Dama ang takot sa dibdib habang kumakain sapagkat sinabayan pa ng kidlat at kulog ang ulan. Matapos mananghalian, saka lamang nagkumpyuter. Dakong Alas-tres nang makauwi't masaya ako dahil sa wakas at sa hinaba-haba ng naging prusisyon, makakapag-intern na rin. Kinagabihan at dahil simula na ng Intern bukas, maaga akong natulog.        


April 26, 2017
Wednesday
Year V-116

10A-t. Ngayong araw ang pagsisimula ng Internship para sa Clinical Setting at sa sabik ko, Alas-singko pa lamang ay gising na ko. Dahil unang beses pa lamang sasabak sa ganito, hindi ko mapigilang kabahan at palaisipan kung ano ang ipapagawa sa aming mga nag-i-intern. Dahil di naman kalayuan mula sa amin ang TAHANAN, kaagad akong nakarating doon. Nandoon na sina Ella, pero wala pa sina Eloisa at Sarlyn. Sa halip na makita kong may pinagkakaabalahan, kwentuhan lamang sila't minsan ay hagalpakan, yung ilan tumatambay sa iisang sulok. Ganun daw sila araw-araw hanggang Alas-dos sabi sa 'kin ni Faye. Sa habang ng oras na ganun lamang ang ginagawa nila, umupo, tumambay at naghihintay magsimula ang Counseling, ikakabato mo ang OJT pero ayos na rin kaysa naman ma-stress ka. Bukod pa dun ay hindi sila mahigpit sa oras.

10A-u.  Ilang sandali pa nang dumating si Eloisa at sumunod naman si Sarlyn. Dahil walang ginagawa, kwentuhan ang naging pampalipas oras at nalilibang dahil masaya silang kahuntahan. Masaya nga ang OJT dahil walang gaanong ginagawa't maari mo pang gawin kung ano ang recreation sa'yo subalit tila kaunti lamang ang matutuhan. Sa loob ng tatlong oras ay tawanan at kwentuhan lamang ang inatupag namin magkakasama at pagsapit ng Alas-dyis, lumabas muna kami para kumain. Nagkaroon na kami ng gawain pagkabalik at iyon ay magtsi-check ng Record Sheet ng mga Kliyente sa bawat barangay at aalamin kung ilan ang sesyon ang hindi nila napasukan. Simple lamang ang pinapagawa't walang kahirap-hirap pero sa dami, matataranta ka't lalo na't may inuutos pa sa'yo.

10A-v. Nakakatanga rin minsan at natatakot magkamali pagkat nakakahiya. Habang aligaga sa pag-aasikaso ng sangkatutak na mga papeles ang pagdating naman ng mga Kliyente. Puro sila lalaki't naglalaro marahil sa katorse hanggang disi-otso ang kanilang gulang. Sila yung nahulihan ng droga sa eskwelahan at ni-refer sa Rehab na iyon for counseling. Karamihan sa kanila, iisiping butangero dahil sa hitsura kahit maigi naman ang pananamit at may kinakapitang organisasyon. Gayunpaman ay di naman sila nagpakita ng katarantaduhan at maayos na nakakausap. Dahil Sina Precious ang nakatoka ngayong araw, sila ang nanguna sa counseling at may nag-discuss. Matapos ang discussion, laking gulat pagkat nagpalaro pa sila na gaya sa Group Dynamics. Naging masaya ang palaro nila't parang ibig makisali.

10A-w. Nang sumunod na palaro, sumali na kami't sa labis na enjoy, napapalakas na ang boses at nakaligtaang wala sa Playground. Labis akong naaliw at sana sa araw-araw na pagpasok namin ay ganito parati ang OJT, may team building hindi puro gutingting sa mga bagay na nakaka-stress. Bukod sa enjoy ang palaro, nadagdagan ang tuwa pagkat maaga kaming pinauwi ng mga Psychometrician. Dakong Alas-singko na nakarating ng bahay. Kinagabihan at dahil walang magawa, naisipan kong mag-recording artist at kahit lip sync lamang, pakiwaring isa ng tanyag na singer at feel na feel ang mag-boses diva.  Nasarapan ako sa pag-record kaya Alas-onse na pala't kailangan ng matulog.          


April 27, 2017
Thursday
Year V-117

10A-x. Panibagong araw muli ng pakikibaka sa Internship. Ganap na palang sumapit ang Alas-sais nang magising at sa takot na mahuli, nagmamadali na sa pagkilos. Maya-maya pa'y nilisan ko na ang tahanan at ilang beses ng dumadaan sa Payatas Road, pero heto pa rin at hindi masanay-sanay ang ilong sa mga maalisangsang na amoy dulot ng mga pabrika ng basura't amoy pa rin kahit nakatakip na. Halos masuka na nga habang binabagtas ang maalisangsang na daanan at paano kaya natitiis ng mga taga-roon ang pang-araw-araw na pamumuhay kasama ang mga basurang nabubulok at umaalingasaw sa amoy. Batid kong isang buwan ang bubunuin sa OJT kaya kailangan ng tiyaga sa tuwing pupuntahan ang site. Dakong Alas-otso nang makarating ng TAHANAN at mangilan-ngilan pa lamang kaming naroroon. Walang magawa kaya pakikipagbiruan kina Maan ang inatupag at ang lakas nilang mang-trip. Kung makapangbara, akala'y bihasa na't ayaw magpatalo sa mga hiritan. Habang kahuntahan ang Eloisa, naasar lamang ako kay Erik (Pascual) pagkat kung makapagsaway sa akin, akala'y tahimik samantalang kapag nag-iingay ito, hinahayaan lamang.

10A-y. Sa inis, sa halip na ipakita ang bangis sa harapan niya, lumabas na lamang ako't pinapahupa ang naghihinanakit na loob. Kahit sabihing biro'y di ako natutuwa sa kanya't hirap nitong pakisamahan. Habang nasa labas at nagmumukmok, upang di lamunin ng pagkabato'y pakikipag-chat kay Nikki ang inatupag. Naibsan naman ang inis kay Erik at nakakaya nang makiharap sa kanya. Sa buong umaga ng aming OJT, walang ginawa kundi ang magkwentuhan at ang saya hindi ba. Pagpatak ng tanghali, sa wakas ay lunch time na rin at naparami ang kain ko sa sobrang gutom. Matapos namin mananghalian at gawa na wala namang gagawin, naisipang magtungo muna ng Computer shop. May kabagalan din ang Internet connection kaya hindi ako nagtagal. Walang magawa kaya sa halip na makipagdaldalan, sinamantala ang oras para magpahinga. Maya-maya pa, bigla kaming tinawag ng isa sa mga Staff at may inanunsyo. Magbabara-barangay pala kami sa susunod na linggo at sina Mary ang naging kapangkat ko.

10A-z.  Sa Barangay Balingasa kami nadestino para sa Counseling, may kalayuan mula sa amin at magastos sa pamasahe subalit wala nang atrasan pa. Nang mailagay kaming lahat sa kanya-kanyang barangay, pinahintulan kami maglaro. Sa una'y kung ano-ano ang naiisip na laro hanggang sa Pinoy Henyo na ang naisipang laruin. Hindi mapigilan ang tumaas ang tensyon habang hinuhulaan ang salitang nakaputong sa ulo pagkat may Time limit at sa unang round, palyado ako pero nang sumunod, laking tuwa pagkat nahulaan. Naging napakasaya ng laro't labis kaming nag-enjoy. Lalo pang nadagdagan ang saya pagkat maaga muli kaming pinauwi ng mga Staff. Pagkauwi, diretso pahinga ako. Kinagabihan, wala muling magawa kaya naisipan muling mag-recording artist. Medyo nalibang ako kaya malalim-lalim na rin ang gabi nang mapagpasyahang matulog.             


April 28, 2017
Friday
Year V-118

10b-a.  Ngayong araw gaganapin ang makasaysayang ASEAN Summit at deklaradong Holiday, Day off namin ngayon sa OJT. Hindi gaya ng nakalipas na mga araw, tinanghali na ko ng gising at kahit tirik na ang araw, hindi maawat ang sarili sa paghilata. Pagkaalmusal kahit kape lang, gawaing bahay ang inatupag ko. Matapos at dahil nababagot kung nakaupo lamang sabay pakuyakoy ng paa, heto muli ako sa pagre-recording artist. Kahit kapamilya ko sina Mama, di maiwasang mailang sa tuwing dumadating ang presensiya nila't naantala ang pagre-record ko. Mukhang hindi ito ang tamang oras para gawin ko ito sapagkat nadi-distract kaya naisipang itigil na muna. Si Mama na kanina aali-aligid, muling nagpaulan ng maaanghang na salita sa akin at kung makapagsalita ito, parang wala na kong ginawang tama sa Mundo.

10b-b.  Maging pagre-record ko'y tahasan niyang binabatikos kaya di na mapigilang mamuhi ang loob at napakarami niyang kuda. Dinepensahan ko ang mga sinasabi niya pero ayaw talagang papigil kaya nanahimik na lamang ako't hinayaan siya. Ganito talaga kami mag-ina, may mga araw na nagkakasagutan at kung minsan, sumasama ang lagay ng loob sa isa't isa pero nagkakaayos din kinalaunan, sanayan na lang at intindi rin. Matapos mananghalian at dahil walang magawa, tumulog na lamang. Pagpatak ng hapon, ibig ko sanang maglakwatsa kaso nakakatamad dahil sa alinsangan ng panahon at makatupok sa balat ang sinag ng araw.

10b-c.  Nanatili na lamang sa bahay at tanging pagpe-Facebook at Instagram ang inatupag ko. Kinagabihan at nang matiyempuhang tulog na si Mama, itinuloy ko ang pagre-recording artist at nakakatuwa dahil kahit puro kalokohan ang pinagagawa, nailalabas kung ano at sino ka. Habang humaling na humaling sa pagre-record ng video, biglang bumuhos ang ulan na sinabayan pa ng pagkulog at pagkidlat. May kalaliman na rin ang gabi subalit hindi muna ako natulog pagkat natatakot at hinintay munang tumila ang Thunderstorm. Sa tagal ng buhos ng malakas na ulan, mukhang babaha na't dalanging tumila na. Nang bahagyang humina't mapanatag ang loob, saka lamang ako tumulog.      


April 29, 2017
Saturday
Year V-119

10b-d.  Sabado na at nananatiling day-off ang aming Internship. Batid kong wala naman gagawin sa bahay sa maghapon at ikakabagot ko lamang kaya matapos mag-agahan, naghanda-handa na ko pagkat maglalakwatsa ngayon. Kahit sa Sapang Palay, Bulacan pa ang bahay nina Nikki, sa bahay nila ko balak magtungo kaso hindi alam kung paano ang patungo sa kanila. Dakong Alas-dyis nang makatungtong sa Bulacan at sa halip na dumeretso sa kanila, tumigil muna ng Starmall SJDM. Panay contact ako kay Nikki, subalit wala itong response, hinintay ko muna. Isang oras na ang nakakaraan, wala pa rin natatanggap mula sa kanya o di sumasagot kapag tinatawagan ito kaya babalaking kina Sarlyn na lamang magtungo. Nang subukan muli siyang tawagan, sumagot na ito't laking gulat pagkat nasa Starmall din siya. Ilang minuto lang ang nakakaraan, nagtagpo na kami. Habang naroroon ay walang ginawa kundi magkwentuhan at minsan ay halakhakan.

10b-e.  Maya-maya, tumungo kami sa may Dancing Fountain at kuhaan ng litrato, ang saya ng bonding naming dalawa at hindi inasahang mangyayari. Sarap din magliwaliw sa Dancing Fountain at nakakahalina ang pagbulwak nito. Pagpatak ng Alas-tres, tumungo na kami ni Nikki sa bahay nito. Sa halip na tao'y maliliit na mga alaga niyang tuta ang sumalubong sa amin. Naroroon din ang mga kapatid nito't nagpakilala sa kanila. Tuloy ang kwentuhan naming dalawa't maya-maya pa, dumating ang mga magulang nito. Friendly ang nanay ni Nikki at malambing kahit sa mga hayop, ang tatay naman niya'y palabiro't nakakatuwang kausap. Napasarap ang pakikipag-usap ko sa kanila kaya hindi napansing maggagabi na. Gustuhin ko pa man na manatili pa sa kanila, kaso kinailangan ng umuwi. Bago ako umalis sa kanila, binigyan pa ko ng nanay ni Nikki ng mga bunga ng Makopa. Sa layo ng biyahe, mula Sapang Palay hanggang sa amin, ginabi na sa pag-uwi. Ginutom ako ng labis kaya diretso sa paglamon.

10b-f.  Pagkatapos ay manonood ng Telebisyon. Magkahalong inis at awa ang naramdaman ko nang matunghayan ang kwento sa Maala-ala mo Kaya, tungkol iyon sa isang babae na nagngangalang Clara kahit mahal niya ang lalaki na si Jun, hindi magawang gawing katipan sapagkat batid nitong may asawa ito at mali. Si Jun naman, sa sobrang pagmamahal kay Clara, nakagawa na ito ng kasalanan sa kanya't kinaluntari pa, kahit pamilyadong tao na siya't panay tutol ang babae. Hindi kasalanan ni Clara kung bakit naging kabit siya, kundi si Jun pagkat ayaw na nga niya, siya pa ang mapilit at inanakan pa at doon ako naiinis dahil ang landi niya.

10b-g.  Tinanggap naman ni Clara sa buhay nila si Jun alang-alang sa anak nito, kaso ang legal wife na si Lannie, hindi pinapatahimik ang pamilya ni Clara at hindi naman ito masisisi pagkat biktima siya at may karapatan pa. Sa huli, anak pa mismo ni Clara ang naging daan para makaayos ang unang pamilya ni Jun, iyon nga lang ay binawian ito ng buhay. Napagtanto ko na hindi lahat ng kabit, masasama na tipong dapat iparanas sa kanila ang langitngit ng legal na asawa dahil may kadahilanan din sila na dapat pakinggan. Napakasalimuot nga naman ng pamiyang kinasasadlakan kung ang tatay o nanay mo, may ibang pamilyang inuuwian at pasalamat na lamang ako dahil hindi ganong klaseng pamilya ang kinalakihan.     


April 30, 2017
Sunday
Year V-120

10b-h.  Katapusan nanaman pala ng buwan at muling sumipa ang napakagandang umagang magbibigay ng pag-asa sa bawat isa sa atin. Sabi nga nila, hangga't may buhay, may pag-asa at hangga't nararating mo ang bawat araw, huwag aksayahin sa walang kakwenta-kwentang bagay, bagkus ay gamitin iyon para hanapin ang magandang opurtunidad na magbibigay kaulanran sa buhay na kinasasadlakan, kung mabigo man, huwag mawalan ng pag-asa dahil maraming pagkakataon pa ang darating upang bumawi at itama lahat ng pagkakamali. Sa sarap ng tulog ko, tinanghali muli sa paggising. Walang magawa kaya gawaing bahay muli ang napagkaabalahan. Nang makapaglinis-linis at gawa na medyo nababagot, nilibang ang sarili sa pag-online sa Social Media gaya ng Facebook.

10b-i.  Kinahapunan, nasa isip ko muli ang paglalakwatsa, kaso wala ng pera at tinatamad na rin kaya nagbantay na lamang sa tindahan. Pagpatak ng gabi, panonood ng telebisyon ang naging pampalipas oras ko. Parang kinurot ang dibdib at ako pa marahil ang nakaranas ng sakit nang matunghayan sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho ang tungkol sa isang babae na tinaga diumano ang ari ng kanyang asawa sa kadahilanang anim na beses na raw ito nambabae. Kawawa ang lalaki't wasak na ang kanyang kaligayahan at kahit naiinis ako sa kanya pagkat nuknukan ito sa kalandian, hindi pa rin dapat iyon ginawa ng babae't naghigante na lang sa ibang paraan. Naputol nga niya ang mitsa ng kataksilan ng kanyang asawa subalit sa selda naman ang bagsak. Maigi sana kung manyak ang asawa niya't manggagahasa pa, maiintindihan ko pa kung ginawa niya iyon kaso hindi. Kaagad nang natulog matapos itutok ang mata sa telebisyon.