March 01, 2017
Wednesday
Year V-060
Wednesday
Year V-060
9u-h. Unang araw para sa buwang ito't nataong Ash Wednesday, hudyat ng
pagsisimula ng panahon ng kwaresma. Maliwanag na sa labas nang ako'y magising
at katamad pang bumangon dala ng namamayaning antok at pakiwaring nabitin sa
pagtulog. Hindi rin maayos ang pakiramdam ko't pakiwaring nagbabanta ang
pagsagupa ng sakit subalit nagawa pa ring pumasok. Gawa na may pagkakaabalahan
ako ngayong araw, napagpasyahang huwag ng daluhan ang klase sa Filipino at General
Botany para magkaroon ng sapat na panahong tapusin ang mga requirements.
Inabot na ko ng Alas-dose nang mapagpasyahang itigil ang ginagawa. Saktong
namataan si Nikki habang papatungo ng silid, non-stop muli
kami sa palitan ng kuro-kuro. Namimilipit na ang mga bituka sa gutom kaya
kumain muna kami.
9u-i. Pagkatapos, tumungo kami ni Nikki kay Sir Laus para
magpasa ng Interpretation. Dismayado ako pagkat di na tinanggap pa
ang gawang Interpretation. Paalis na dapat kami nang udyukin
ni Sir Laus na kuhaan ng litrato para isali sa Fresh
night. Kahit panay ang tanggi namin pagkat nahihiya't hindi mahusay sa mgaposting,
pinagbigyan na lamang si Sir, labag man sa kalooban. Minsan lang ito kaya
ginawa nang palong-palo ang pag-post at astang model habang
kinukuhaan ng litrato. Kahit kailan talaga, napakakulit ni Sir Laus at
ibang klase siya. Wala muli sina Phane kaya naisipan muling maki-sit-in sa
klase ni Nikki na Abnormal Psychology. Payag naman
si Ma'am Joyce na maki-sit-in ako't tungkol
sa Bipolar Disorder ang itinuro niya at kaawa-awa ang mga
taong may ganung uri ng sakit dahil hindi makontrol ang oras-oras na pagbabago
ng ugali't matinding unawa ang kailangan nila.
9u-j. Nang kalagitnaan ng pagtuturo ni Ma'am ay bigla na lamang sumama ang
pakiramdam at tila ibig ng umuwi. Sa oras ng Economics, namayani ang
tuwa sa kanya-kanyang mga dibdib nang ianunsyo ni Sir Nebres na
hindi tuloy ang klase ngayon at manunuod lamang ng Film show.
Tumitingkad na ang pagsama ng pakiramdam at tila magkakasakit kaya sa halip na
tumungo ng Auditorium, napagpasyahan ng umuwi. Ngayong magiging
abala ako sa dami ng gagawin, nawa'y huwag naman sumabay ang pagkakasakit.
Pagkauwi'y kaagad akong nagpahinga. Nang magising, umigi-igi na ang pakiramdam
subalit hindi gasinong nagkikilos-kilos at mas piniling magpalakas muna.
Kinagabihan at dahil maaga pa magigising bukas para magpa-exam sa Client,
daglian ng natulog.
March 02, 2017
Thursday
Year V-061
9u-k. Magkahalong kaba't sabik ang nadarama ngayong araw, lalo't hindi batid ng isip kung
matutuloy ba o hindi ang assestment kay Cathy.
Labis ang pagkasabik ko kaya Alas-tres pa lamang ng madaling araw, gising na
ko. Dakong Alas-sais nang magtungo ako sa bahay nina Cathy at
napalitan ng galak ang kaninang kinakabahan pagkat tuloy-tuloy na at saktong
nakabihis na ito, kaagad na kaming umalis. Pagkatungo ng unibersidad at bago
simulan ang pagbibigay ng pagsusulit sa kanya, pinuntahan pa si Sir
Laus subalit wala pa ito. Maya-maya'y nagsimula na kami ni Cathy at
sa mismong library na lamang isinagawa ang pagsusulit. Hindi
naman naging mahirap sa akin ang pag-assess kay Cathy pagkat
hindi ito maarte't sumusunod talaga sa sinasabi ko. Sa bait niya, gumagaan ang
loob ko't nakakawala ng Stress.
9u-l. Sa bilis magsagot na aking Kliyente, Isang oras pa lamang ang lumilipas
subalit nakakaapat na exam na kami at nang pampito na't dala
ng ginugutom na, napagpasyahan munang kumain. Bilang pasasalamat kay Cathy sa
pagpayag nito't pambawi sa pang-aabala, inilibre ko siya ng pagkain sa Chowking.
Nang matapos sa pagkain at dala na nagkaroon ng problema, hindi agad kami
makapagsimula para ipagpatuloy ang nalalabing pagsusulit. Ginawan ko muna ng
paraan at binigyan ng oras si Cathy para pumasok sa kanyang
klase. Makalipas ang higit sa isang oras, nagsimula na kami ni Cathy.
Lubhang napakaraming kailangang sagutan at may klase pa si Cathy kaya
bigong matapos ngayong araw at naisipang ipagpabukas na lamang. Wala pang balak
umuwi't nakuha pang makipagtsikahan kay Nadia. Dakong Alas-tres
nang makarating sa bahay. Kinagabihan, paggawa ng Psychological Report ang
inatupag ko't pag-computeng resulta ng pagsusulit. Balak sanang magpuyat
para tapusin, kaso mugtong-mugto na ang mata sa antok at ibig ng matulog.
March 03, 2017
Friday
Year V-062
9u-m. Napasarap nanaman ang tulog ko kaya tinanghali na ng gising. Bago
pumasok, tumungo muna sa bahay ni Cathy para kuhain ang
nasagutang pagsusulit. Naghari ang tuwa sa dibdib pagkat tapos na niya ito't
wala ng poproblemahin pa sa assestment. Dakong Alas-nuebe nang
makarating ang yapak sa paaralan at saktong may resulta na ng pagsusulit
sa Psychological Testing nung Midterm. Sumagupa
ang tuwa sa dibdib pagkat napabilang ako sa nakapasa't bukod pa dun ay panglima
sa nakakuha ng pinakamataas na marka sa buong Third year level.
Mukhang nagkabunga ang aking pagsusumikap at dahil iyon sa tulong ng maykapal.
Ang sarap sa pakiramdam kapag nakakatamo ka ng bagay na pinaghirapan mo sa
halip na idinaan sa pandurugas. Pagkapasok ng silid, nagsasagawa pa rin
ng examination ang mga kamag-aral sa kanya-kanyang mga Client at
dahil tapos na, pagti-tsek at pagkuha ng resulta na lamang ang pinagkaabalahan
ko.
9u-n. Maya-maya pa'y dismissal time na at habang naglalakad
patungo sa kabilang gusali ay namataang paparating sina Sir Jigo at Ma'am
Joyce, nakaramdam ako ng hiya kaya dali-daling bumalik ng silid at
kunwa-kunwaring may naiwan. Marahil ay may katiting pang pagtatangi sa kanya
kahit sabihin ng isip na si Jed na ang Crush ko
kaya nagagawang mahiya at sumasaya ang sandali kapag nasisilayan ito.
Sina Mara naman, panay ang pangangantiyaw sa 'kin kay Sir
Jigo kasama si Ma'am Joyce at kahit hindi namin siya
kasing-level pagdating sa katayuan, open sa kanyang
makipag-usap at biruan sa amin, hindi intimidating ang biru-biruin si Ma'am at
mapapalapit talaga ang loob mo sa kanya. Napasarap ang katuwaan namin ni Ma'am
Joyce kaya hindi namamalayan ang oras at kailangan nang pumasok.
9u-o. Saktong nagti-check na ng attendance si Sir
Juangco pagkapasok ng silid at pasahan din ng assignment.
Sayang lamang at hindi ako nakapagpasa, dami kasing dapat asikasuhin bukod pa
riyan kaya hindi na nabigyang pansin. Sana tanggapin pa niya kahit late na.
Maya-maya, nagkaroon kami bigla ng panauhin at pumili sila ng tatlo para
magbigay saya sa aming klase. Sina Nicole, Potpot at Kalvin ang
napili't isa-isang ipinakita ang kanya-kanyang talento. Dami naming tawa habang
ipinapakita ang kanilang gilas at ang saya. Pagkatapos ay dismissal
time na. Wala pang balak umuwi pagkat may gagawin pa kaya naisipang
magtungo ng library.
9u-p. Habang papatungo'y saktong namataan si Nikki na
kumakain. Kanina pa kalam na kalam ang Sikmura sa gutom kaya nakisabay na sa
kanya. Balak sanang asikasuhin ang Psychological Report, kaso naudlot na
pagkat napasarap ang kwentuhan namin. Habang nakatambay kami ni Nikki sa
labas ng silid, may mga oras na nagpapakita sa akin si Sir Jigo at
tila hindi ito mapakali kaya napapatahimik sa tuwing dumaraan ito.
Si Nikki naman panay ang pangangantiyaw kay Sir Jigo kaya
lalo pang kinikilig ang dibdib. Nagliyab pa lalo ang nararanasang tuwa nang
lumapit ito subalit di naman kami kinausap o pinansin, umasa pa ko. Bago umuwi,
tumungo pa ko kay Ma'am Zabala para magpasa ng Project saLiterature.
Hindi tinanggap ni Ma'am pagkat mali. Ano ba 'yan at uulit pa ko. Dakong Alas-singko
na ko nakarating ng bahay.
March 04, 2017
Saturday
Year V-063
9u-q. Anong sarap muli ng aking pagtulog kaya tinanghali muli sa paggising.
Pagkabangon at dahil tinanghali ng gising, napagpasyahang huwag ng pumasok at
sinamantala ang oras para asikasuhin ang Thesis sa Psychological
Research. Sa labis na dami ng Article na kailangang i-paraphrase,
mukhang aabutin nito ng siyam-siyam pagkat kailangan munang basahin at unawain
ang mga nilalaman. Halos mawakwak ang utak sa kakanalisa ng bawat sentence ng Articles,
may maisulat lamang at hindi iyon biro sa 'kin. Sa labis na abala sa paggawa
ng Thesis, hindi namamalayan ang oras. Gawa na hindi
nakapag-agahan, abot-langit na ang nararanasang gutom sa Sikmura, naispang
kumain muna pagkaluto ng ulam. Walang ibang inatupag sa maghapon kundi ang
gumawa at tapusin ang sangkatutak na sulatin sa Thesis. Kahit halos
ikasakit na ng bungo sa dami ng binabasang article at
inuunawa, sa kagustuhang pumasa'y hindi ako sumuko. Hindi bale at mairaraos din
ito. Bukod sa Thesis, mayroon pang Psychological Report na
kailangang bigyang pansin at kapag nagsabay nga namang dalawa, medyo pasakit at
kakapagod. Pagpatak ng gabi, paggawa naman ng Psychological Report ang
inasikaso ko. Malapit ng maghating-gabi subalit hindi pa natatapos, mugto na
ang mga mata sa antok. Labis na ang nararanasang pagod kaya hindi na napigilan
pang matulog.
March 05, 2017
Sunday
Year V-064
9u-r. Balak sanang gumising ng maaga para magkaroon pa ng sapat na panahong
asikasuhin ang dapat asikasuhin at tapusin, kaso sa sarap na ng tulog ay
tinanghali muli sa paggising. Pagkaalmusal, kaagad kong inasikaso ang pagpa-paraphrase ng Article sa Thesis.
Tatlong oras ang lumipas nang sa wakas ay natapos ko din subalit hindi muna
nagpakasaya ng labis sapagkat marami pang aalalahanin sa buhay. Naisipan ko
munang mamalantsa ng mga uniporme at maya-maya, inasikaso muli ang hindi
matapos-tapos na Psychological Report ng aking Learning
Partner maging sa Client at nakaka-stress,
mukhang ito ang magiging mitsa ng aking pagkakasakit. Mugto na ang mga mata sa
antok subalit kailangan magpatuloy sa ginagawa para hindi masayang ang oras.
Nang hindi na makaya ang antok, hindi na napigilang mag-Siyesta.
Pagkagising, tumungo ako ng Computer Shop para mag-research.
Inabot din ng tatlong oras bago mapagpasyahang mag-log-out. Kinagabihan,
time out muna sa panonood ng Telebisyon para asikasuhin ang Psychological and Case
report. Anong hirap at hindi talaga biro ang gumawa niyon, sakit sa ulo ang
kahihinatnan. Sa sobrang abala ko, hindi namamalayang hating-gabi na,
kinailangan ng matulog.
March 06, 2017
Monday
Year V-065
9u-s. Kahit labis-labis ang pagpapakapuyat kagabi, matapos lamang ang Psychological
Report, hindi naman tinanghali ng gising. Lunes nanaman pala kaya heto muli
ako na kailangang pumasok kahit tinatamad. Pagkatungtong ng Unibersidad, laking
gulat ko nang ipabatid ng mga kamag-aral na magkakaroon ngayon ng talumpati
sa Filipino at iyon ay biglaan. Biglang sumipa ang kaba sa
dibdib at pagkapasok ng silid at dahil late, nagsimula na ang
pagtatalumpati. Kaagad akong lumapit kay Ma'am Burabo para
bumunot subalit pahiya nang sitahin nito't kailangan munang patapusing
magsalita ang nagtatalumpati bago ipasa ang papel at bumunot. Isa-isang
nagtalumpati sa harapan ang aking mga kamag-aral at sa husay nilang magsalita,
umigting pa lalo ang nararanasang kaba. Kinakakabahan man at nahihiya,
nilakasan ko na ang loob na magtalumpati alang-alang sa matatamong marka.
Naging maayos naman sa simula subalit pumalya ako kinalaunan at nawala na
sasabihin. Pumalya man, nakatikim pa rin ako ng palakpak mula sa 'king
kamag-aral na siyang nagtanggal ng pagkabigo ko.
9u-t. Sa oras ng General Botany at dahil Natural
Science Week, lundagan kami sa tuwa nang sabihin ni Ma'am Eloisa na
hindi siya magtuturo't manunuod lamang ng Film at program sa Quadrangle.
Ibig sanang bumili ng ticket para manuod ng Film,
kaso may gagawin pa ko't nang makabili lahat, tumungo na kami ng Quadrangle.
Habang inaabangang magsimula ang Show, lumapit sa akin si Janet at
hinahanap si Ma'am Burabo. Parehas kaming hindi nakakuha ng
pagsusulit sa Filipino kaya sinamahan ko ito. Dahil sa kanya,
nagkaroon ako ng opurtunidad na makapag-exam na halos isang buwan
ding naudlot. Pagkalapit kay Ma'am Burabo, karakakarakang nakiusap
sa kanya na makisabay kay Janet at pumayag naman ito. Kahit
hindi nakapagrepaso, naging sisiw lamang ang pagsusulit kaya kaagad akong
natapos.
9u-u. Pagkalabas ng Coordinator Room, nagsimula na ang program sa Quadrangle na dance
contest. Bawat grupong kalahok, may kanya-kanyang taktika sa pagsayaw at
nakakabilib ang ipinakita nilang husay. Bawat pagkompas ng mga kamay at paa,
tila may ikinukwento kaya naging makabuluhan para sa akin ang sayaw. Tumagal
ang program hanggang Alas-onse at matapos dala ng gutom,
kasama sina Phane ay kumain kami. Matapos ay nagpaalam na ko
sa kanila at tumungo ng Library para asikasuhin ang Psychological
and Case Report. Panay ang pagloloko ng Computer at madalas ay nagha-hang,
nahihirapan tuloy sa paggawa. Wala naman nangyayari kaya kundi mag-antay sa
kaka-hangat gawa na nayayamot na, kahit hindi pa tapos ay umalis na ko.
9u-v. Pagkatungo ng silid, saktong mga kamag-aral ko lamang ang nandoon at
gawa na nababagot, nakipagkwentuhan ako kina Nikki. Tigil ang
masarap at masayang kwentuhan nang pumasok si Sir Nebres. Muli ay
nagturo ito kaya muling namayani ang antok sa mga mata. Magkakaroon pala muli
ng maikling pagsusulit sa Literature kaya habang wala pa si Ma'am
Zabala, sinamantala ang oras sa pagrerepaso. Ilang sandali pa nang dumating
ito't bago magsimula ang pagsusulit, nirepaso niya muna kami. Karamihan sa mga
tanong niya, hindi alam ang isasagot kaya hindi kataka-takang makabingwit ng
bokya subalit maigi na lamang ay may nalilikom na kaalaman sa utak. Maya-maya
pa, nagsimula na ang maikling pagsusulit at nakakainis dahil na-mental block ako,
wala tuloy halos maisagot kaya ang resulta, hindi katayugang marka ang natamo.
Pagkauwi at dahil nag-uumapaw na ang gutom sa Sikmura, halabira ako sa pagbanat
ng pagkain. Matapos ay inasikaso ko muli ang paggawa ng matapos-tapos dahil sa
sangkatutak na Psychological Report may Clinical Case
Report pa. Mugto na sa antok mga mata kaya di muli natuloy ang balaking
magpuyat.
March 07, 2017
Tuesday
Year V-066
9u-w. Inabot nanaman ako ng liwanag sa labas nang magising. Alas-sais na
pala't malapit ng sumapit ang Alas-siete kaya may pagmamadali na sa pagkilos.
Pagkatungtong ng paaralan, sa halip na mga kamag-aral at si Sir Laus,
mga di kilalang estudyante na tila nag-aabang na papasukin sa silid ang
nadatnan ko. Mock Board exam pala ng mga graduating
Psychology student kaya wala kaming klase sa Psychological
Testing. Hinanap ko pa ang aking mga kaklase at pagkatungo ng Library,
nandoon ang karamihan sa kanila na pawang mga abala para matapos ang Psychological at Case
Report, ngayong araw ba naman ang deadline of submission at
hindi na pwede sa ibang araw kaya ramdam ko ang pressure, lalo na
sa mga wala pang gaanong nagagawa. Sinamantala ko ang oras para tapusin kung
ano ang ipinapapasa ni Sir Laus. Kainis lamang pagkat hindi ko pala
dala ang USB connector, kinailangan pang manghiram sa
kamag-aral. May nagpahiram naman sa akin, ang problema nang maisalpak ay hindi
binabasa ang Files mula sa Cellphone, nag-uumapaw
na tuloy ang aking stress at kainis pagkat hindi makapagsimula
dahil sa mga bagay na di inaasahan.
9u-x. Parang ibig ko ng magbigte nang panahong iyon pagkat nagkasunod-sunod
ang kamalasan at mapapasigaw talaga sa yamot. Nang masubukan sa connector ng
ibang kamag-aral, Thank God pagkat gumagana na't agarang
nagsimula. Nang matapos ako sa paggawa ng Psychological Report, tumungo
na sa office ni Sir Laus para ipakonsulta ang
gawa kaso may kausap ito. Medyo nasasayang ang oras sa kakahintay sa kanya kaya
umalis na ko. Nakipagkita ako kina Mara doon sa Discussion
Areaat sinimulan naman gawin ang Case Report. Aligagang-aligaga
kami sa pagsusulat ng dapat isulat at hirap nga naman ng buhay kapag
walang laptop pagkat cellphone lamang ako't
pahirapan tuloy sa akin ang mag-edit ng mgatable. Bukod pa
dun ay Brainstorming kaming dalawa ni Mara sa
pagbibigay ng kanya-kanyang impormasyon at nakaka-drain. Sa sobrang
paggagahol namin, hindi na naisip na may klase pa akong kailangang pasukan.
9u-y. Sa oras ng Industrial Psychology, isa-isa kaming tinawag ni Sir
Juangco para sabihin kung ano ang nagbibigay Stress sa
amin sa pang-araw-araw. Maigi na lang, stress ako sa labis na dami
ng ginagawa kaya naging masalita habang naglalahad. Matapos ang klase'y kaagad
kong pinuntahan sina Mara sa may Discussion Area at
kahit hindi pa kumakain, hangga't humihinga ang oras ay sige sa paggawa
ng Case Report at di na maiwasang mataranta at iyon lamang ang
inatupag namin sa maghapon. Minalas nanaman ng lagay pagkat
naghihingalo na ang Phone ko kaya pangambang-pangambang iyon
pa ang maging hadlang para hindi makapagpasa pero gumawa ako ng paaran.
9u-z. Pagpatak ng Alas-kwatro, binalikan ko si Sir Laus. Hindi
nanaman pinalad na magpakonsulta sa kanya pagkat may klase ito. Inabot na kami
ng gabi na nasa eskwelahan na abalang-abala at grabe, marahil sa buong araw na
ito, walang ginawa kundi asikasuhin ang Psychological at Case
Report kahit ngarag na ngarag na. Dakong Alas-siete nang sa wakas,
natapos ko ang Case Report, kaso kinailangan pang magpakonsulta kay
Sir. Nang makapagpakonsulta, parang sinakluban ng langit at lupa pagkat
maraming kailangang baguhin. Dis-oras na ng gabi, sarado na ang library,
wala ng budget pangrenta sa mga computer shop at
pampa-print ng gawa, deadbatt na rin ang Phone ko
at pagal na sa labis na pagod kaya sapat na iyong dahilan para bukas na ako
magpasa. Pagdating ng bahay at sa tindi ng namamayaning gutom, dagliang bumanat
ng pagkain. Matapos ang maghapong pagpapakasasa sa mabigat na gawain, ngayon
lang makapagpapahinga.
March 08, 2017
Wednesday
Year V-067
9v-a. Pumatak na ang Alas-sais ng umaga nang ako'y magising at dahil
tinanghali na ng gising, nahuli ako ng dating sa paaralan at saktong naroroon
na si Ma'am Burabo. Nagkaroon kami ng Activity sa Filipino at
iyon ay magsasalin ka ng mga salita sa ibang wika. Mabuti na lamang, may
kakayahan ako sa pagsasalin ng Tagalog to English kaya
naging sisiw lamang ang pinapagawa. Maya-maya, tapos o hindi tapos ay kailangan
ng ipasa ang gawa. Sa oras ng General Botany, may inanunsyo
si Ma'am Eloisa sa amin. Sa sipag ni Ma'am at ulirang guro pa,
ginamit ang nalalabing oras para magturo. Tungkol sa Flower ang
naging laman ng lesson at ilang saglit pa, dismissal
time na. Hindi na natuloy pa ang klase sa Laboratory time pagkat
may Variety show na bahagi ng pagdaraos ng Natural
Science Week at nang makapag-attendance, daglian ng tumungo
sa Quandrangle.
9v-b. Sa halip na manuod ng program, sinamantala ko ang
pagkakataon para i-revise ang gawang Psychological at Case
Report. Minamalas lamang ng lagay pagkat kung kailan patapos na't isi-save sa
Yahoo mail, sa hindi inaasahan ay biglang nagloko ang computer at
sinabi ng technician na kailangang i-restart ang Computer.
Sa una'y panay ang aking tutol sa kadahilanang kusang mabubura ang files subalit
iyon lamang ang tanging paraan para maibalik sa dati ang pag-function ng Computer,
pumayag din kinalaunan nang matanggap na kailangan kong umulit. Ikinapanlumo ko
ng labis ang pangyayari at walang ibang maramdaman nang panahong iyon kundi
yamot. Pagod na kong gumawa kaya napag-isipang mamaya na lamang.
9v-c. Pagkababa mula sa Library, saktong nagsimula na ang Variety Show sa
may Quadrangle. Nanood muna ako't iba't ibang mga kalahok ang nagpamalas
ng kanya-kanyang talento, may kumakanta at may sumasayaw naman. Nang bigyan ng
pagkakataon ang mga manunuod na sumayaw sa entablado, hindi ako makapaniwala
nang ituro ng aking mga kaklase. Dahil nahihiya, panay ako sa
pagtanggi pero kagustuhan pa rin nila ang nasunod. Kahit hindi marunong
sumayaw, napasayaw tuloy ng wala sa oras at hindi napaghahandaan. Panay ang
halakhakan at hiyawan ng mga manunuod habang naindak sa entablado't pakiramdam
ko, lahat ng kahihiyan ay nasalo na. Kahit napipilitan lamang at dahil minsan
lang ito ay itinudo na sa pagsasayaw at ginawang palong-palo.
9v-d. Saka lamang nakawala sa hiyang kinasasadlakan matapos sumayaw at grabe,
hindi akalaing magiging kabahagi ng Variety show at masusubaybayan
ng libo-libong estudyante ang pagiging parehas kaliwa ang paa maging mga
kamag-aral, sikat na tuloy ako. Nagpatuloy ako sa panonood ng Variety
show at ilang sandali pa'y pumasok na ng silid. Wala pa si Sir
Nebres kaya nagpagala-gala muna't nakipagkwentuhan kay Jona
Vee. Habang nag-uusap ay hindi akalaing iisang tao lamang ang pinipintig ng
aming puso at walang iba kundi si Jed. Patungkol sa
kanya ang naging laman ng usapan namin. Sa kisig ba naman nito na artistahin
ang dating at palabiro pa bukod sa maalindog, hindi kataka-takang maraming
magkakagusto sa kanya't kabilang na kami doon.
9v-e. Dahil napasarap ang usapan, hindi na nakapasok pa sa klase ng Economics at
kinikilig ako sa tuwing makikita siya, kaso hanggang doon na lamang sana ang
nararamdaman sa kanya't huwag ng humigit pa. Hindi nanaman ako pumasok sa klase
ng Literature para gawin ang naudlot na Psychological at Case
Report. Sa computer shop malapit sa amin ko iyon ginawa at
sa kagustuhang makapagpasa ngayong araw, kahit wala pang kain at dis-oras na ng
gabi'y bumalik ako ng School. Pasara na ang paaralan ng makarating
ako na hapong-hapo pagkat malayo ang biniyahe. Saktong bukas pa ang Guidance
Office at nakadaupang palad si Sir Laus. Kahit sinabi
niyang hindi na ito tumatanggap ay nakiusap ako. Napakiusapan naman ito
kinalaunan kaso sinulsulan ako. Gayunpaman ay nagpapasalamat ako pagkat may
napuntahan ang pagkukumahog kahit iisiping napakaimposible at hindi ako
pinababayaan ng Diyos. Dakong Alas-dyis nang tuluyan na kong makauwi't sa labis
na pagod, karakaraka nang natulog.
March 09, 2017
Thursday
Year V-068
9v-f. Buhat matinding pagkukumahog kahapon, maihabol lang ang requirements
sa Psychological Testing at labis na
pagkahapo, inabot na ng liwanag sa paggising. Malapit ng sumapit ang Alas-siete
nang umalis ng bahay at pagkadaan sa may NCBA, laking taka kung bakit
lumihis ang sinasakyang Jeeppatungo sa amin, iyon pala'y
maling Jeep ang nasakyan at hirap talaga kapag walang salamin,
malabo ang paningin. Yamot na yamot nang panahong iyon pagkat pakiwaring
nagkasunod-sunod ang kamalasang dumarating. Gayunpaman, stay positive pa
rin ako. Dahil sa pangyayari, nahuli na ko ng dating sa klase ng Psychological Research at
naroroon na si Sir Jigo. Sa halip na thesis ay Psychological Report ang
pinagkakaabalahan ng mga kamag-aral sa Dash 5 at
hindi nalalayo sa 'min kung sila'y maggahol pagkat ngayong araw na rin ang
pasahan. Maya-maya pa'y umalis na kami.
9v-g. Sa oras ng Humanities, nagkaroon ng Class reporting.
Bago lumabas, lumapit kaming mga absent nung nakaraan
kay Sir Esguerra para alamin kung ano ang iuulat
at nang maibigay, sa halip na umuwi'y tumungo pa ng library para asikasuhin
ang Psychological Report for my Client.
Pagpatak ng Alas-dose, hinanap ko si Cathy para ipasagot sa
kanya ang Clinical Interview. Kaagad naman siyang
nakita at pagkabigay, bumalik ako ng Library para ipagpatuloy
ang Psychological Report. Dami kong halakhak habang
kasama sina Mitche at panay ang lokohan sa isa't isa, nawalan
na tuloy ng Focus sa ginagawa. Mga bandang Alas-tres na ako
nakarating ng bahay. Kinagabihan, paggawa ng Psychological at Case report ang
inatupag ko at dahil hanggang bukas ng Alas-dose na lamang ang final submission,
mukhang magpupuyat nanaman at magdamagan pa.
March 10, 2017
Friday
Year V-069
9v-h. Sumapit na ang hating-gabi pero heto pa rin ako na aligagang-aligaga,
matapos lamang ang Psychological Report. Mugtong-mugto na ang mata
sa kaantukan kaya pagpatak ng Ala-una at kahit hindi pa tapos, napagpasyahan ng
matulog. Dakong Alas-singko na ko nagising subalit Alas-sais na bumangon.
Nahuli muli ng dating kaya naroroon na si Sir Laus nang aking
datnan at nagtuturo. Habang nagtuturo, sinamantala ang oras para tapusin ang
mga ipapasa ngayon subalit bigo pagkat sadyang marami at aandap-andap ang isip.
Magkakaroon pa kami ng Long quiz mamaya kaya hindi
alam kung anong uunahing gawin. Ilang sandali pa, nagkaroon kami ng pagsusulit
at iyon Emotional Profile Index. Medyo di ko
alam kung paano iyon sasagutan kaya hindi maiwasang magtanong-tanong,
hinula-hulaan na lamang. Matapos ay breaktime na't sa halip na
kumain, sinamantala ang oras para tapusin ang Psychological at Case
Report.
9v-i. Sa sobrang abala ko, hindi namamalayang Alas-dyis na't kailangan ng
bumalik ng silid. Magrerepaso sana ako, kaso wala ng oras at pagkapasok
ni Sir Laus, kaagad ng nagsimula ang pagsusulit. Dala na hindi
nakapagrepaso, labis-labis ang pangangamote ko't halos wala ng maisagot kahit
pigain ang utak. Nang wala na talagang maisagot, tumigil na ko. Maya-maya'y pasahan
na't umiral ang tuwa sa mga dibdib nang iurong ni Sir Laus hanggang
Ala-una ang pasahan ng requirements. Bago gawin, sumama muna ako
kina Nadia para kumain. Balak pa sanang pumasok sa klase ng Industrial
Psychology kahit late na, kaso nakita ko si Kathleen na
nasa labas at ipinabatid niyang wala na raw klase. Kasama sina Delia ay
tumungo kami ng library at saktong naroroon si Sir Juangco.
Kaagad kong nilapitan si Sir at humingi ng paumanhin pagkat di ako nakapasok.
9v-j. Umiral ang bigla ang pangamba sa dibdib sa mga sinabi niya pagkat
nanganganib na bumagsak sa Industrial Psychology. Bumagsak na ko sa
unang pagkakataon at ngayong nabigyan ng panibagong pagkakataon, sisiguraduhing
hindi na iyon mauulit at tiwalang papasa na. May iba pa kaming napag-usapan
ni Sir Juangco bukod pa roon at gawa na napasarap, napatagal
ang pananatili ko. Tumungo pa ng Computer shop para mag-edit at
makapagpalimbag ng report at nang matapos, dali-daling tumungo
sa office ni Sir Laus para magpasa. Pagal na
pagal na ko sa kakakilos kaya hindi nagtagal pa't umuwi na ko. Kinagabihan at
matapos ang mga napagdaanang mabibigat at buwis buhay na gawain dahil sa Psychological
Report, ngayon lamang makakapag-relax at makakapanood ng
Telebisyon. Dakong Alas-dyis nang mapagpasyahan kong matulog.
March 11, 2017
Saturday
Year V-070
9v-k. Gawa na hindi maawat ang sarili sa pagtulog at paghilata sa kama kahit
umaga na pagkat namamayani muli ang maginaw na panahon, dakong Alas-sais na ko
bumangon at Alas-siete y medya na nakarating ng paaralan. Nandoon na si Sir
Jigo subalit mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadatnan na
abalang-abala sa paghahanda ng kanilang Case Presentation pagkat
ngayong araw na ang defense. Namayani ang kaba sa aking loob, lalo
na't sa Martes na ang aming defense sa Psychological
Testing at ako pa naman ang kauna-unahang magpi-present sa
mga mapupusok na Panel. Hindi rin nagtagal at kaagad kaming umalis.
Sa oras ng Humanities, class reportingpa rin ng aking
mga kaklase. Dahil pakiwaring kulang sa tulog at namamayani ang antok, hindi
maiwasang mapaidlip. Nang dismissal time na at bago
umalis, may mahalagang inanunsyo sa 'min si Sir Esguerra.
Sa halip na umuwi, tumungo pa ng library at doon nanatili.
Pagpatak ng Alas-onse, namataan ko si Nadia at kasama ito ay
pinuntahan namin sina Nikki.
9v-l. Pagkatungo'y nadatnang abala sina Nikki at Ate Charm sa
paggawa ng Case Presentation. Makaraan ang ilang
sandaling pananatili sa Discussion Area, tumungo kami ng Canteen para
mananghalian. Habang nalantak ng sangkatutak na mga pinamiling pagkain, biglang
tumuwag ang ate at sinabihang tumungo ng SM Fairview pagkat
magpapasalamin kami at bibili na rin ngLaptop. Sa labis na sabik ko na
magkaroon ng sariling Laptop, matapos kumain ay agaran ng tumungo
sa SM. Kahit may Contact sa isa't isa, hindi rin
kami agad nagkakitaan ng ate, tuloy ay naghintay pa ko. Maya-maya'y nagkakitaan
na rin kami at kaagad nagtingin-tingin at nagpasukat ng Salamin. Nang
makapagpasukat ng salamin, laking tuwa pagkat walang pagbabago sa grado ng
aking mata. Sana'y bumaba na nang sa ganon, hindi na kakailanganin pang magsalamin.
9v-m. Matapos ay tumungo kami ng ate sa Cyberzone at namili
ng bibilhing laptop. Kahit maraming nakatanghal na mga magaganda't
mukhang dekalidad nalaptop, naging wais pa rin sa pagpili, sa
kagustuhang hindi magsisi sa huli't maging matagal ang paggamit. Nang
makapamili ng Laptop at sa gutom, tumungo pa kami ng Foodcourt.
Dakong Alas-singko na ng hapon kami nakarating ng bahay baon ang nag-uumapaw na
ngiti dahil sa wakas, may sarili ng Laptop at hindi na
manghihiram pa sa mga kaklase. Kahit hindi gasinong magkasundo ng ate o malapit
ang loob sa isa't isa, pasalamat ako sa kanya dahil naisipan pang bilhan
ng Laptop at kay buti niya pa ring kapatid sa 'kin.
Kinagabihan, paggawa ng Thesis ang inatupag at sarap gumawa ng
mga Report at Assignment kapag may laptop ka,
nakakagana. Sa sobrang abala ko, inabot na ng hating-gabi bago mapagpasyahang
matulog.
March 12, 2017
Sunday
Year V-071
9v-n. Nakatulog na ko ng matagal subalit pakiwaring bagsak pa rin ang katawan
at ibig pang humilata ng lagay sa kama kahit umaga na. Pagmulat ng mga Mata,
saktong Alas-siete na't kahit inaantok pa'y bumangon na. Kaagad kong
ipinagpatuloy ang paggawa ng Thesis. Inabot pa ng halos apat na
oras nang sa wakas, natapos din ako. Kanina pa damang-dama ang gutom sa Sikmura
kaya nananghalian na ko. May klase nanaman kinabukasan kaya pamamalantsa ng
uniporme ang sunod na napagkaabalahan. Kinahapunan at kahit katirikan ang araw
ay nagtungo ako ng SM Fairview para kuhain ang salamin.
Pagkakuha at bago umuwi, tumungo pa ng Novaliches Bayan para
magpagupit. Makaraan ang dalawang buwan ay ngayon lamang muli makakatikim ng
gunting ang buhok ko. Sayang, type ko pa naman pahabain ang
buhok hanggang talampakan na tipong sumasayad, kaso kailangan ng gupitan sa
takot na hindi papasukin ng gwardiya sa paaralan at lumipad ang hinahangad na
magandang kinabukasan. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi. Kinagabihan, paggawa
ng Casepresentation ang inatupag ko't sa kagustuhang hindi
mapahiya sa harapan ng mga panel lalo na sa kanya, hinusayan
ko ang paggawa't nawa'y maging matagumpay. Dakong Alas-dyis nang mapagpasyahang
matulog.
March 13, 2017
Monday
Year V-072
9v-o. Pagpatak ng madaling araw ay nagising ako dahil sa pananakit ng Ngipin
at sa tindi ng sakit, halos makangiwi na ko't hindi makatulog. Napilitin tuloy
uminom ng Mefenamic Acid. Matagal-tagal din bago
maibsan ang pananakit ng Ngipin. Nawala na ang antok ko kaya naisipang mag-online sa
mga SocialMedia. Kung paumaga na'y saka nanumbalik ang antok,
umidlip muna ako. Pagkamulat muli ng mga Mata at dahil nasarapan sa
pagkakaidlip, eksakto Alas-sais na. Naroroon na ang karamihan sa mga kamag-aral
pagkatungtong ng unibersidad at may pinagkakaabalahan. Mayroon palang Activity sa Filipino at
iyon ay magsasalin ng mga salita. Magaling ako pagdating sa translation subalit
hindi inasahang mahihirapan, paano'y kalalalim ng mga ginamit na salita't
karamihan ay mga baguhan lamang sa paningin ko. Kahit pakiwaring mali-mali ang
pagkakasalin, ipinagpatuloy ko pa rin, may maipasa lamang.
9v-p. General Botany ang sumunod kong klase't kahit wala si Ma'am Eloisa,
may humalili naman sa kanya na si Ma'am Rose. Wala pa rin pagbabago
sa kanya sa tuwing magtuturo pagkat kakaiba pero nakakatuwa't marami kang
matutuhan mula sa kanya, bukod pa dun ay makwento ito't napakabait. Walang
ibang ginawa kundi mapangisi habang nagtuturo si Ma'am Rose pagkat
may punto ang kanyang pananalita't sayang, sana siya na lamang ang naging guro
sa asignaturang iyon. Matapos ay lumabas na kami. Dahil darating na raw si Ma'am Eloisa,
pumasok pa rin ng laboratory time. Wala pa si Ma'am at gawa na
nababato, lumabas-labas muna't libot-libot.
9v-q. Saktong nakita ko sina Lexlie at gawa na wala rin
silang professor, nanatili muna sa kanila't nakipagkwentuhan. Halos
liparin ako sa kakatawa habang kapalitan sila ng kuro-kuro't muntikan ng
kabagan. Halos dalawang oras na ang nakakaraan, wala pa rin si Ma'am Eloisa
kaya napagpasyahan ng lumayas. Umuwi na si Phane at gawa
na walang makasama, naki-sit-in muli ako sa klase ni Nikki.
Wala pa si Ma'am Joyce kaya tuloy ang kaingayan sa buong silid
at kwentuhan naming dalawa. Maya-maya, may estudyanteng biglang pumasok at may
inanunsyo. Sa oras ng Economics, muli akong napagdiskitahan ni Sir
Nebres kaya asar na asar muli't ginawa pang katatawanan. Nakikisakay
na lamang ako sa kanya kahit buwisit na buwisit, makapasa lang. Nabigla ako
nang mabatid na magkakaroon kami ng pagsusulit ngayon at patay, di ako
nakapagrepaso.
9v-r. Hindi pa nakuntento si Sir Nebres, pagkat nagawa pang ilagay
ang pangalan sa Word problem, talagang trip niya
ko. Maigi na rin ang ganon para mas lalo pang mapansin ng taong natitipuhan ng
loob, si Jed. Tanungan kami habang isinasagawa ang pagsusulit at di
na rin maiwasan ang kopyahan. Magkakaroon din ng pagsusulit sa Literature kaya
habang wala pa si Ma'am Zabala, tamang repaso lang. Pagkapasok
niya'y kaagad ng nagsimula ang mahabang pagsusulit at kahit di gaanong
nakapagrepaso kung may nakaimbak naman sa utak na kaalaman, hindi naman
nahirapan. Kaagad din kami umuwi matapos kumuha ng pagsusulit. Kinagabihan at
dahil defense na namin kinabukasan, paggawa ngCase
presentation ang pinagkaabalahan ko at naghanda-handa na rin. Dakong
Alas-dyis nang matapos sa ginagawa't
matulog.
March 14, 2017
Tuesday
Year V-073
9v-s. Ngayong araw na ang aming defense at hahatulan na ang
gawangPsychological Report subalit nakakatuwa pagkat ni katiting na
kaba'y hindi man lamang dumadampi sa dibdib, sana nga'y magpatuloy ito hanggang
sa kasagsagan ng aming defense. Inagahan ko sa pagpasok para
magkaroon pa ng panahong makapaghanda. Habang hindi pa nagsisimula ang defense,
walang ginawa kundi ihanda ang sarili, maging mga kakailanganin. Ang kaninang
ako na nasasabik, unti-unti ng napapalitan ng kaba sa paglipas ng bawat
sandali. Kay tagal naman magsimula ang Defense at lalo pang
kinakabahan. Malapit ng sumapit ang Alas-nuebe nang magsimula ang defense
at dahil sina Ma'am Joyce at Sir Ronan, hindi
sina Ma'am Ria at Sir Barrion ang
magiging panel kaya di naman gasinong kasidhi ang nadaramang
kaba, sa katunayan ay nakakabiruan ko pa nga sila lalo na si Ma'am
Joyce na sobrang friendly. Pangalawa sana ako sa magde-defense matapos
ni Charish subalit nagkaroon lamang ng aberya, sinabihan
ni Sir Laus na mamaya na lang. Kung kailan ako na ang
sasalang, hindi makapaniwala nang biglang dumating si Sir Jigo at
isa sa naging panel. Hindi maipaliwanag kung bakit biglang tumindi
ang namamayaning kaba sa dibdib nang dumating ito't parang matutunaw sa hiya.
Nahihiya man, nilakasan ko ang loob na magsalita sa harapan ng mga panel.
9v-t. Maya-maya'y bigla na lamang sila nagsitawanan sa hindi malamang dahilan,
kinabahan pa lalo ako subalit hindi nagpanaig at nagpakatatag. Madalas ay siMa'am
Joyce ang nagtatanong subalit nasasagot naman at para akong nanghina
pagkat marami pang kailangang ayusin at baguhin. Sa halip na tuwa't ginhawa
matapos sumalang sa defense ay pagkadismaya ang natatamo ko
ngayon. Ayos na sana, kinulang lang. Lalo pa akong na-down nang
sabihin ni Sir Laus na malaki ang posibilidad na i-take ko
ng Summer ang subject na 'yon, pagkat may
hindi ako naipasa't hindi pa maayos ang presentation. Kahit
sabihing nagbibiro lamang ito, halata sa mukhang seryoso ito kaya di maiwasang
dibdibin ang mga sinabi niya. Ayos maging professor si Sir
subalit tila mailap sa kanya ang makapasa ka.
9v-u. Pumasok ako ng
silid na nakabusangot ang pagmumukha't parang nawawalan na ng pag-asa. Sa oras
ng Industrial Psychology, nagkaroon kami ng one on one interview at
isa-isang tinawag ni Sir Juangco para sagutin ang kanyang mga
katanungan. Sa muling pagkakataon ay dinatnan muli ng kaba sa dibdib at nang
ako na, nilakasan ang loob na magsalita sa harapan at sige sa pagpapakilala sa
sarili kahit dinudugo na dahil hirap magsalita ng English.
Maya-maya pa, dismissal time na rin. Pagkauwi, anong
alinsangan ng panahon kaya naisipang maligo. Sa labis na alinsangan, biglang
umulan pagsapit ng dapit-hapon. Kinagabihan at matapos manuod ng Telebisyon,
paggawa ng report sa Humanities ang
napagkaabalahan ko. Nang dalawing ng antok ay saka lamang naisipang ihimlay ang
sarili sa kama.
March 15, 2017
Wednesday
Year V-074
9v-v. Sa sarap ng tulog at halos hindi maawat ang sarili sa pagkakahilata sa
kama, dakong Alas-sais na ko bumangon. Medyo nahuli na ng pasok kaya
napagpasyahang huwag ng daluhan ang klase sa Filipino. Sa oras
ng General Botany at nang pumasok si Ma'am Eloisa,
biglang umalingawngaw ang bell at pinababa kami ni Ma'am.
Hindi ko mabatid kung anong ganap, basta'y sumusunod lamang sa pinapagawa. Iyon
pala'y Earthquake Drill at nabigla ako dahil walang
kaalam-alam na magaganap iyon at di man lamang naabisuhan. Sa dami naming mga
estudyante na talagang bulwak ang paglabas, di maiwasan ang gitgitan at
balyahan at pahirapan ang kumilos. Saka lamang nakabalik ng silid nang maikot
namin ang buong Campus at parang nauwi sa alay-lakad ang drill.
Maraming minuto na ang nakakaraan subalit hindi pa nakakabalik ang karamihan sa
mga kamag-aral maging si Ma'am Eloisa. Gawa na nababagot ako't
walang makausap, umalis na ko.
9v-w. Naisipan kong maki-sit-in sa klase nina Jona Vee at
saktong wala silang professor kaya nanatili muna ako't
sinamantala ang oras para mag-revised ng Psychological
Report. Hirap nga lang makuha ang konsentrasyon dahil ang nuknukan sa ingay
ang mga kasamahan ko't akala'y nasa bundok kung magsigawan habang may
kinaadikang laro. Maingay man na halos ikawasak na ng Eardrum ko,
walang ginawa kundi magtiyaga. Maya-maya, biglang nagising ang saya sa aking
dibdib pagkat nasilayan muli si Jed at saktong tumabi pa ito
sa akin. Magkatabi man kami, hirap akong kibuin ito subalit gumagawa ng paraan
para mapansin niya’t kausapin. Hindi nga ko nabigo't pinansin niya ko, kaya
kaming dalawa, heto't arung-ungan muli. Ipinangako ko sa aking sarili na
iiwasan na si Jed at hindi na makikipagbiruan pa sa kanya para
hindi na mahulog pa ang loob, kaso di ko napigilan ang sarili, ang kati ko
kasi.
9v-x. Sa sobrang saya ko habang kasama sina Jed, nakaligtaan ng
may klase pang kailangang pasukan. Late na ko kaya
napagpasyahang huwag ng pumasok at ipinagpatuloy ang pagre-revised.
Medyo nahihirapan ako kaya naisipang magpatulong sa mga kamag-aral. Maigi na
lamang, naroroon si Crizel at tinulungan niya ko sa pagre-revised,
lubhang mabait ito at matulungin pa. Makaraan ang isang oras, nagpaalam na ko
sa kanya't abot-langit ang pasasalamat. Napakahaba ng Vacant Time ko't
dahil wala sina Phane, sit-in muli ako sa klase
nina Nikki. Habang wala pa si Ma'am Joyce at nang
makita sina Jed, nagawa muling makipagbiruan sa kanila't dami kong
halakhak. Ang lakas talaga mang-asar ni Jed at akala kung
sinong gwapo. Si Jona Vee naman, napakakulit at daldal pa, tila
walang kapaguran sa pinaggagawa pero kahit paano, pinasaya nila araw ko at
sulit na sulit dahil nasisilayan siya ng matagalan. Maya-maya'y bigla akong tinawag
ni Rafa at dahil magkabaro, tila Close kami
sa isa't isa kung mag-usap.
9v-y. Natutuwa ako sa kanya pagkat nagagawa nitong mag-express kung
sino at ano siya ng walang takot. Ang kaninang tsikahan namin ni Rafa kasama
si Nikki, nauwi sa pagpapayo't pwede na itong maging Guidance
and Councilor. Natigil ang aming Counseling nang pumasok
si Sir Nebres. Muli akong pinagdiskitahan ni Sir at sa oras ng
kanyang Subject, nag-check lamang kami ng Long
Quiz na isinagawa nung last meeting. Nang maiwasto, hindi
ko ikinagalak ang natamong marka pagkat wala pa sa kalahati. Sa oras ng Literature,
nagkaroon ng Stage Play at matapos, nagtsek kami ng Test
Paper. Ikinagalak ko ang naging resulta pagkat mataas. Inabot na ko ng gabi
sa pag-uwi't matapos manuod ng Telebisyon, inasikaso ko ang report sa Humanities.
March 16, 2017
Thursday
Year V-075
9v-z. Sa sobrang abala ko sa paggawa ng report, inabot na rin ng
madaling araw nang maisipang matulog. Dakong Alas-sais na ko nagising at
pagkatungtong ng paaralan, naroroon na ang karamihan sa mga kamag-aral maging
si Sir Jigo at abalang-abala sa paggawa ng Thesis.
Laking tuwa ko nang ipabatid nina Kim na naurong sa ibang araw ang
aming defense. Sa buong oras na iyon ay walang ibang
pinagkaabalahan kundi ang Thesis, pagre-revised ng Psychological
Report at paghahanda para sa napipinto kong pag-uulat sa Humanities.
Maya-maya'y dismissal time na't lumipat sa kabilang silid,
habang hindi pa dumarating si Sir Esguerra, sinamantala ang oras
para maghanda't ganito pala kapag sanay ka na, hindi ka na gasinong kinakabahan
at nawa'y magpatuloy iyon. Ilang sandali pa nang pumasok si Sir
Esguerra at magsimula ako sa pag-uulat.
9w-a. Tumaba ang puso ko nang purihin ni Sir matapos mag-ulat at tumaas ang
bilib ko sa sarili, kaso nga lang ay naimbyerna si Sir sa mga hindi
makakapag-ulat ngayon maging sa mga madalas lumiliban ng klase. Maihahalintulad
sa isang santo ang kabaitan ni Sir Esguerra subalit parang
tigre kung magalit at hindi mo magugustuhan. Kahit badvibes si
Sir ngayong araw, wala pa rin nagbago sa pagtingin ko sa kanya't isa pa rin
itong mabait at huwarang guro. Pagkatapos ay tumungo ako sa library,
saktong namataan kong naroroon sina Nikki, Nadia at Ate Charm at
sila ang nakasabay kong kumain. Saya muli ng araw ko habang kakwentuhan sila't
nakakalibang silang kasama. Wala pang balak ang isipang umuwi kaya sinamahan
muna si Nikki sa silid.
9w-b. Habang magkasama kaming dalawa, bigla siyang naglabas ng saloobin sa
kagrupo nito sa Thesis at muntikan nang umiyak. Maya-maya'y
bigla siyang tinawag at kita kung paano sila makipag-usap sa kanya, yung tipong
pasigaw at pataray pa kaya ibig kong pagsabihan sila't itigil ang ginagawa
kay Nikki pero labas ako diyan at baka magkagulo pa. Ramdam ko
ang tumataas na tensyon sa pagitan nilang tatlo habang nagkokomprontahan at
ilang sandali pa, nag-walk-out na si Nikki. Hindi
naging maganda ang pakiramdam sa kagrupo niya't ibig itong ipagtanggol, kaso
pinakinggan muna kung anong dahilan.
9w-c. Sa totoo lamang ay maraming nasisirang kaibigan dahil sa Thesis.
Sa aking narinig mula sa kanila, hindi ko masabi kung sino sa kanila ang mali.
Mabuti na lamang at hindi kami ganyan ng aking kapangkat at nagkakaunawaan na
siyang ikinakatuwa ko, kaso naaawa ako kag Nikki pagkat puro
masasakit ang napagdadaanan nito ngayon, nakaaway na nga ang kanyang kagrupo,
tapos pakiramdam niya'y hindi pa kasundo si Ma'am Joyce, ibig ko
siyang damayan nang panahong iyon. Maya-maya pa'y napagpasyahan ko
ng umuwi. Pagdating sa bahay, kaagad kong inasikaso ang Portfolio sa Filipino.
Kinagabihan at dahil walang magawa, panonood ng Telebisyon ang napagkalibangan
ko. Dakong Alas-dyis na rin nang mapagpasyahang
matulog.
March 17, 2017
Friday
Year V-076
9w-d. Kay aliwalas ng naging umaga ko kaya may kasiglahan sa dibdib na
bumangon. Mga bandang Alas-siete y Medya na ko nakarating ng Unibersidad at
saktong naroroon na ang karamihan sa mga kamag-aral maging si Sir Laus na nakaupo’t
sa halip na pangiting pagbati ang isalubong, tila lumulukot ang mukha niya nang
makita ako’t biglang tinawag. Nakaramdam ako ng kaba pagkat lingid sa ‘king
isipan kung ano ang pag-uusapan namin at biglang nagtanong kung bakit
pinakelaman ko raw ang mga ipinasang requirements nung
nakaraang Defense. Halatang beastmood si Sir nang
tanungin kaya di agad makasagot hanggang sa malaman ko na dumoble raw ang
gawang Psychological Report at nakakapagtaka.
Inisip ko kung paano nangyari iyon hanggang sa mapagtanto na nailagay ko nga
nang hindi nalalaman ni Sir, dahil sa pag-aakalang ipapasa iyon.
9w-e. Nang matuklasan iyon ni Sir Laus, inakala niyang iniisahan
ko siya kahit ang totoo’y namaling akala lang kaya todo paliwanag sa kanya’t
dinepensahan ang mga sinasabi subalit hindi ako pinakikinggan at halos hingalin
na ito sa galit. Hindi ko inasahan na mangyayari ang bagay na ito’t
nakakadismaya lang dahil ang taong napalapit na sa akin at ibinigay ng lubos
ang tiwala, naging mabait pa sa akin, nasayang lang dahil sa isang bagay na
hindi inasahang mangyayari. Napapaiyak na lamang ako nang panahong iyon habang
kausap ni Sir pagkat nahuhusgahan sa bagay na hindi ko kailanman at kayang
gawin. Pakiramdam ko, labis siyang disappointed sa akin.
Natapos ang usapan namin na bakas sa kanyang mukha ang pagkayamot at nagi-guilty ako,
pinagkatiwalaan niya ko tapos pakiramdam niya' tapos ipinamukha ko sa kanya na
hindi dapat ako pagkatiwalaan at sinasamantala ang kanyang kabaitan, labis
akong nasaktan sa pangyayari.
9w-f. Matapos niyang kausapin, doon ko lang inilabas ng tuluyan ang lahat ng
sakit na natanggap mula kay Sir Laus pagkat para
niya kong hinusgahan pero hindi ito masisisi. Kung kalian ito na ang huling
araw ng aming pagkikita, saka pa nasira ang imahe ko kay Sir. Gayunpaman
ay nagawa pa ring magpakatatag at naniniwalang mapapatawad niya ko balang araw
at maayos ang lahat. Pagsubok lang ito na kinakaharap ko ngayon na kailangang
lampasan. Hirap talaga kapag favorite student ka
ng professor, magkamali ka lang, lahat ng tiwalang ipinagkaloob
niya sa’yo, sa isang iglap ay mawawala at ang lakas ng impact niyon
sa akin. Gumaan-gaan naman ang loob ko kinalaunan matapos umiyak at ilahad sa
mga kamag-aral.
9w-g. Sa oras ng Industrial Psychology, hindi natuloy ang class
interview dahil nagkaroon muli kami ng panauhin. Tungkol sa Leadership at Humility ang
itinuro nila sa amin at matapos ay nagpangkat-pangkat kami. Para lamang
sumasailalim sa Group counselling habang kami ay
tinuturuan nina Ma’am Evelyn at kahit paano’y may natutuhan
mula sa kanila, iyon ay matutong mapagkumbaba kahit isa ka nang leader at
mataas ang katayuan sa buhay. Maya-maya’y dismissal time na
rin at sa halip na umuwi, hinanap ko pa si Nikki. Habang siya ay
kakwentuhan, tila mas malala pa ang pinagdadaanan nito kumpara sa dinanas ko
kanina’t napanghihinaan na ito ng loob. Wala akong ginawa kundi damayan ito’t
payuhan. Maya-maya’t kahit batid kong hindi pa humuhupa ang galit ni Sir,
tumungo ng Guidance Office para magbayad sa gaganaping Psych
Night. Balak n asana itong kausapin, kaso pinanghinaan ng loob, lalo na’t
hindi niya ko pinapansin at ang sakit. Dakong Alas-kwatro na nang mapagpasyahan
kong umuwi’t dahil sa bigat ng nararamdaman buhat ng pangyayaring tumapos sa
magandang samahan naming ni Sir, idinaan na lamang sa tulog.
March 18, 2017
Saturday
Year V-077
9w-h. Hindi pa rin limot ng isipan ang pangyayari kahapon at hindi ko sukat
akalain na ang taong napalapit na sa akin dahil sa kabaitang ipinapakita at
nagawa niya pa akong pagkatiwalaan, sa isang iglap ay biglang naglaho dahil sa
isang bagay na ginawa ko na inakala niyaý kasalanan iyon kahit ang totoo’y
nagkamali lamang ako. Magkahalong pagkadismaya at Guilty ang
nararanasan ko nang panahong iyon at parang hindi na ibig ang pumasok.
Gayunpaman ang nangyari, hindi pa huli ang lahat at hangga’t may pagkakataon,
gagawa ng paraan para bumawi sa kanya, mapatawad niya lamang ako. Dakong
Alas-siete nang makarating ako sa paaralan. Wala pa si Sir Jigo maging
ang mga kamag-aral ko subalit ilang saglit din ang dumaan nang dumating sila.
Laking taka ko kung bakit malapit nang sumapit ang Alas-otso, kakaunti pa rin
kami’t hindi pa dumarating si Sir, iyon palaý wala ng klase pagkat may Seminar ngayon.
9w-i. Balak sanang dumalo ng Seminar at todo udyok sina Kim sa
akin, kaso batid kong naroroon si Sir Laus at hindi ito ang
magandang pagkakataon para makita niya ko, sa dahilang batid kong mainit pa ang
ulo nito. Nanatili na lamang ako ng silid at hinayaan silang umalis. Sa oras
ng Humanities at kahit kakaunti lamang kami dahil ang
karamihan ay dumalo ng Seminar, natuloy pa rin ang klase. Galit man
sa akin ngayon si Sir Laus at nadidismaya, nabawasan ang bigat
ng loob ko nang ipagkatiwala sa akin ni Sir Esguerra ang mga
ipinasang Autobiography at binigyan pa ko ng pagkakataon na
magpasa sa ibang araw. Hindi ko akalain na may tao pa palang handa akong
pagkatiwalaan kahit nawawalan na ng tiwala sa sarili at sana ay hindi dumating
ang panahon na pati tiwala sa akin ni Sir Esguerra ay mabura
kaya gagawin ang lahat, manatili lamang iyon. Bukod pa dun ay ang bait niya pa
sa akin at nakakataba ng Puso, kahit beastmood ito ngayon.
9w-j. Nagkaroon lamang ng Class reporting at nang dismissal time,
tumungo pa ko sa Accountant Area para kumuha ng permit.
Matapos ay tumungo naman ng SM para bilhan ng pagkain si Sir
Laus. Sana man lang kahit dito sa pagkain ay maging sapat na para
makabawi’t mapatawad niya ko pero batid kong hindi iyon ganon kadali, lalo na’t
labis siyang na-dissapoint sa akin, gayunpaman ay umaasa pa rin
ako. Pagkabili, bumalik ako at dali-daling tumungo sa Guidance Office para
iabot sa kanya ang pagkain. Bigo nanaman ako na makausap siya pagkat nasa Auditorium daw
para sa Seminar, pinasuyo ko na lamang. Pagkauwi, kaagad akong
natulog at dakong Alas-kwatro na nagising. Kaagad ko nang sinimulan ang paggawa
ng Autobiography at kinagabihan, paggawa naman ng Report
presentation sa Economics ang pinagkaabalahan ko. Sa
dami, inabot na ng Alas-dyis pero hindi pa natatapos, mugto na ang mata sa
antok kaya napag-isipang ipagpabukas na
lamang.
March 19, 2017
Sunday
Year V-078
9w-k. Nakuha ko na sana ang masarap na pagtulog nang biglang nanakit ang
Ngipin ko at sa labis na sakit, muntikan na kong mapahagulhol. Naibsan naman
ang pananakit ng ngipin ng magkabisa ang ininom na Mefenamic Acid.
Naghahari na ang liwanag sa labas nang ako'y magising at sa halip na
mag-almusal, kaagad kong ipinagpatuloy ang paggawa ng Slide
Presentation sa Economics. Sa dami ng kailangang ilagay,
ginutom na ko. Nagugutom man, hindi ko iyon ininda't ipinagpatuloy sa ginagawa.
Inabot na ko nang Alas-onse nang sa wakas, natapos din at nagkabunga rin ang
aking pagtitiis. Sa tindi ng nararanasang gutom na halos mamipi na ang bituka,
kaagad akong nananghalian. Medyo sinaniban ng kasipagan ngayong araw kaya
pamamalantsa ang sunod na inatupag. Kinahapunan at dahil magkakaroon kami
ng Salad making Contest sa Laboratory class ng General Botany,
nagtungo ako ng Ever Gotesco Mall para bumili ng
ipinapabiling Strawberry.
9w-l. Hindi naman ganun kahirap ang maghanap ng Strawberry at
kaagad na nakita, kaso nga lang ay parang bilasa na at nasisira. Kahit sabihin
ng Dispatcher na natural lamang iyon at fresh pa
raw, maigi na ang nag-iingat at nakasisigurado kaya hindi ko binili. Mahirap
na't baka managot pa kapag nagkayarian ng Sikmura. Sa Shopwise ko
naisipang bumili ng Strawberry, sariwang-sariwa naman at halatang
bagong angkat, kaso makabutas bulsa ang presyo nito. Napapaisip tuloy ako kung
bibili ba o hindi at hirap magdesisyon. Nang makapag-isip-isip, napagpasyahang
ibang prutas na lamang ang aking bilhin sa halip na Strawberry para
makatipid. Bago umuwi at dahil malapit lamang ang Saint Peter Church,
tumungo muna ako dun para magdasal.
9w-m. Diyos na ang bahala sa kung anumang landas ang tatahakin at tiwalang
hindi pababayaan. Pagkarating ng bahay at dahil tuloy na tuloy na ang
aming defense bukas para sa Thesis, walang ibang
inatupag sa oras na iyon kundi maghanda. Kinagabihan, tigil muna sa nakaka-stress na
gawain at tamang relaxlang sa panonood ng Telebisyon. Parang kinurot ang
dibdib nang mapanuod ang isang ina na tangan-tangan ang kanyang anak na may
kapansanan. Nakakabilib dahil sa kabila na may edad na ito't iisiping marupok
na ang mga buto, nagagawa pang buhatin ang anak nito at araw-araw pa.
Kahanga-hanga ang pagiging ulirang ina niya, dahil gagawin ang lahat, gaanoman
kahirap at nakakapagod pa, maalagaan lamang ang anak at maipadama ang
pagmamahal. Sana maging gaya niya ang mga ina sa Mundo na abot-langit ang
pagbuhay sa anak, kahit mag-isa na lamang siya. Namumugto na ang Mata sa antok
kaya daglian nang natulog.
March 20, 2017
Monday
Year V-079
9w-n. Inumaga na ko nang gising at nakakaba lamang kahit nakapagdasal na
pagkat ngayong araw na ang aming defense. Naiinis lamang ako pagkat
daming pinagkakagastusan, bukod pa sa pagkain ng mga Panel, may
bayad din para sa Research na tumataginting pa na Limang-daang
Piso. Mahirap na nga ang buhay ngayon, sumasabay pa sila sa gastusin, sa halip
na ilaan na lamang sa pangangailangan. Sa madaling sabi'y walang mga
konsiderasyon at masyadong pini-pressure sa pinansyal, tapos ang
kauuwian, ire-reject lamang ang gawang thesis at
babagsak, maawan naman sila! Kung may karapatan lamang magreklamo, gagawin ko
talaga pagkat hindi na makatarungan, kaso wala. Pumasok akong nababalutan ng
yamot ang dibdib pero ayos lamang, basta ang mahalaga'y makakaraos din ng
pasado. Sa oras ng Filipino, inasikaso lamang ang
kanya-kanyang portfolio at matapos ay ipinasa. Mamayang
Alas-onse pa magsisimula ang aming Defense kaya nakadalo pa sa
klase ng General Botany. Sa oras na iyon ay nagturo lamang si Ma'am
Eloisa at nagkaroon kami ng Quiz.
9w-o. Minamalas lamang ng lagay pagkat nagsabay pa ngayong araw ang Defense at Salad
Making Contest at doon pa naman nakasalalay ang maraming puntos kaya
pahirapan sa akin ang makapagdesisyon. Tama nga sila't hirap maging irregular
student kahit kontrolado mo ang oras pagkat madalas ay conflict at
di alam kung alin sa dalawang nag-uumpugang bato ang itutulak mo palayo. Sinubukan
kong magpaalam kay Ma'am, kaso hindi ito pumayag at nagawa pa ngang magalit sa
akin. Sa huli, ang magagawa ko na lamang ay hatiin ang oras para sa Defense at
sa isasagawang Salad making Contest mamaya. Hindi ko inasahang
mapapasabak sa Multi-tasking at mukhang kakailanganin ng maraming lakas. Kaagad
kong pinuntahan sina Kim sa library at parang
ibig ng magwala sa labis na Stress pagkat marami pa raw kulang
at di nakakagawa ng presentasyon.
9w-p. Hindi sana nung una pa lamang, sinabi na nang magawan ng paraan, hindi
ito na hinahabol ang oras. Ibig ko sanang tulungan ang kagrupo ko sa Thesis,
kaso kailangan din ako ng kagrupo sa General Botany at nangako
pa kay Ma'am Eloisa, walang ginawa kundi magpaalam at humingi ng
paumanhin sa kanila't nawa'y kayanin kahit dalawa muna sila. Pagkatungtong
ng Laboratory, saktong nagsimula nang mag-ayos ang bawat pangkat
para sa booth at iba't ibang prutas na ang makikita. Bilang
partisipasyon at makakuha ng marka kay Ma'am, tumulong ako. Sa sobrang abala
namin sa paghahanda't paghihiwa ng mga Prutas, hindi namamalayang Alas-dose
na't marahil ay nagsimula na ang Defense.
9w-q. Nang masigurong sapat na ang naitulong ko't kaya na nila, dali-dali ng
pinuntahan sina Kim at kakahingal pagkat malayo-malayo ang
pinanggalingan ko. Habang hindi pa kami ang nakasalang, walang ginawa kundi
ihanda ang mga sasabihin at nagdasal-dasal, umaasang may magandang patutunguhan
ang hirap na binubuno, ni hindi na nga kumakain, mailaan lamang ang pera sa
gastusin sa Thesis at buwis-buhay. Dalawang oras din ang
nagdaan at nang tawagin ni Sir Jigo para sumalang, lakas-loob
na kaming pumasok, nawala ang kaninang binubuhat na kaba pagkat si Ma'am
Joyce na lamang ang panel at sa halip na defense,
biglang nauwi sa Consultation. May nakita lamang butas si Ma'am
Joyce pero sa huli, ibig namin maglulundag sa tuwa pagkat mataas ang
ibinigay niya. Parang natanggalan ng malaking tinik sa dibdib pagkat matagumpay
naming nairaos ang Defense at dahil iyon sa tulong ng
Maykapal, kaya laking pasalamat sa kanya. May klase pa ko ng Economics kaya
tumungo pa ng silid. Wala pa si Sir Nebres kaya
nakipagdaldalan muna kina Nikki. Dami kong halakhak habang
kakwentuhan sila’t nakakalibang. Malapit ng mag-isang oras, wala pa rin si Sir,
kaya napagpasyahan ng
umuwi.
March 21, 2017
Tuesday
Year V-080
9w-r. Ngayong araw ang pagsisimula ng isang linggong pagsusulit para sa Final
Period. Medyo napasarap ang aking tulog kaya malapit ng sumapit ang
Alas-sais nang magising. Alas-siete pa naman ang simula ng aming pagsusulit
para sa unang asignatura kaya todo pagmamadali ako sa takot na mahuli. Isang
padyak na lamang ng sandal bago sumapit ang Alas-siete nang makarating ako nang
paaralan, saktong may Proctor na subalit hindi pa nagsisimula
ang exam. Ilang sandal pa nang magsimula at asignaturang Filipino ang
una naming pagsusulit. Kahit hindi nakapagrepaso ay hindi naman naging ganung
kahirap ang pagsusulit, sa katunayan ay sisiw lamang at kaagad natapos. Habang
may nalalabi pang oras at hindi pa nagsisimula ang pagsusulit para sa susunod
na asignatura, nagrepaso ako. Anong ingay at gulo sa aking kapaligiran kaya
hirap mag-aral.
9w-s. Dakong Alas-nuebe nang may pumasok na proctor at sa
tana ng pag-aaral ko sa Our Lady of Fatima University, ngayon
lamang nangyari na dalawa ang proctor namin, kaya pakiwaring
magiging mas mahigpit ito’t walang takas ang mga mandurugas. Hindi nga
nagkamali’t naging mahigpit ang takbo ng pagsusulit. Economics ang
sumunod naming pagsusulit at anong hirap, kaya nanghula-hula na lamang. Nang
nasa Computation na’t dahil bawal gamitin ang Cellphone bilang Calculator,
dali-daling bumaba para umarkila. Napadali ang pagkuha ng pagsusulit nang
magkaroon ng Calculator. Nang wala ng maisagot, ipinasa ko na
kaagad. Sa halip na umuwi ay hinintay ko pa ang mga balak magpasa ng Autobiography sa Humanities.
Nang makumpleto ang pangongolekta, kaagad ding umuwi. Sa pagod ay diretso Siyesta ako
pagkatungtong ng tahanan. Malapit na rin sumapit ang Alas-kwatro nang magising
ako. Kinagabihan at gawa na katamad mag-aral, panonood ng telebisyon ang siyang
inatupag. Saka lamang naisipang matulog nang makaramdam ng antok sa mga
Mata.
March 22, 2017
Wednesday
Year V-081
9w-t. Nagising
ako dahil sa tunog ng alarm ng aking Cellphone, Alas-kwatro pa lamang at
kahit maaga pa, dala na nawala na ang antok ay bumangon na ko. Wala magawa kaya
tamang pag-online lang sa Social Media ang inatupag. Kung kalian
paliwanag na ay saka naman nakaramdam ng antok, pansamantala akong naidlip.
Nakakasilaw na ang liwanag sa labas nang ako ay magising at pagkatingin sa
orasan, sumapit na ang Alas-siete. Sa halip na mag-almusal ay pagrerepaso agad
ang inatupag ko at sa dami, abutin ng limang oras. Ramdam ko na ang gutom sa
Simura’t gawa na nawawalan na ng konsentrasyon dala ng gutom, tigil muna sa
pag-aaral para kumain. Pagkatapos mananghalian, tuloy sa pagrerepaso.
9w-u. Balak
gugulin ang oras sa maghapon sa pag-aaral, kaso ay namamayani na ang antok, di
na napigilan pa ang sarili na matulog. Anong alinsangan ng panahon pagkagising
ko’t di mapigil ang pamumutiktik ng pawis sa katawan, marahil ay nagsimula na
ang panahon ng tag-init kaya ito nararanasan at kahit nasa loob ka lang ng
bahay ay ramdam pa rin ang init na hatid ng araw. Maging sa gabi ay ramdam pa
rin ang init at parang ibig kong maligo o ibabad ang sarili sa bath tub
ng matagal. Bago matulog, heto muli sa pagsusunog-kilay at dakong Alas-onse na
napagpasyahang matulog.
March 23, 2017
Thursday
Year V-082
Thursday
Year V-082
9w-v. Malapit
ng sumapit ang ikaanim ng umaga nang magising ako. Alas-siete pa naman ang
simula ng aking pagsusulit para sa General
Botany kaya nagmamadali nanaman sa pagkilos sa takot na makapag-special exam. Minute na lang ang
nalalabi bago sumapit ang Alas-siete, wala pa rin ako sa paaralan kaya talagang
mahuhuli na ko. Mahuhuli na nga ako, minalas pa ng lagay pagkat naipit pa sa
trapik. Sa sobrang bagal na halos hindi na nga umuusad, kahit may kalayuan pa
ay nilakad ko na lamang. Hingalin ng labis sa layo ng nilakad pagkarating ng
paaralan at nagsimula na nga ang pagsusulit. Pagkapasok ay sumipa bigla ang kaba
pagkat hindi akalaing si Ma'am Bobiz at Sir Anton ang proctor namin, dalawang professor na kilalang istrikto pagdating
sa pagiging proctor subalit sa kabila
na nahuli, hindi akalaing pahihintulutan pang kumuha ng pagsusulit.
9w-w. Kahit
nakapagrepaso, anong hirap ng naging pagsusulit, kung kaya nanghula-hula na
lamang. Habang sila ay nagbabantay, nawawalan ng konsentrasyon sa pagsagot
pagkat ang lakas ng boses ng dalawa kung mag-usap, tila walang pasintabi sa
aming mga nag-e-exam. Ibig ko sana
silang pagsabihan, kaso professor
sila’t baka lumabas pa kong bastos. Ganito naman parati, kapag nakatataas sa
atin, ayos lang ang ginagawa kahit batid na ito ay mali subalit kapag mas
nakakababa, ang lakas ng loob kahit wala naman ginagawang mali. Kaagad din
naman natapos sa pagsagot sa pagsusulit kahit may kahirapan. Mahaba pa ang oras
bago ang sumunod na pagsusulit kaya kasama sina Mae, kumain muna kami. Ilang sandal pa ay dumako na sa
kanya-kanyang silid.
9w-x. Asignaturang
Humanities ang sumunod kong
pagsusulit at kahit hindi nakapagrepaso, hindi naman ako nahirapan. Pagkatapos
at dahil wala pang balak umuwi, pinuntahan pa si Nadia sa Library at
kwentuhan kaming dalawa. Dakong Ala-una nang mapagpasyahang umuwi’t anong
alinsangan ang kinakaharap na panahon kaya naligo kaagad pagkatungtong ng
tahanan. Sa halip na gugulin ang oras sa pag-Siyesta, hindi man ibig at nakakatamad ay nagsunog-kilay ako.
Umaatikabo na nga ang nararanasang init, bigla pang nawalan ng kuryente. Ang
nakakainis pa ay kami-kami lamang ang nakakaranas ng Brown-out at umabot ng gabi kaya tila napakadilim ng aming Mundo.
Kahit Brown-out, hindi naman
nahadlangan ang pag-aaral ko’t tiis-tiis muna sa init at dilim. Dakong
Alas-siete nang sa wakas, naibalik na rin ang kuryente. Hindi pa madalaw ng
antok kaya ipinagpatuloy ang pagrerepaso. Dakong Alas-dose nang maisipang
ihimlay ang sarili sa kama.
March 24, 2017
Friday
Year V-083
Friday
Year V-083
9w-y. Sabog
na sabog na ang liwanag sa kalawakan nang magising. Alas-siete pasado na kaya
daglian din bumangon at nag-almusal. Humahampas talaga ang kasiglahan sa
katauhan tuwing umaga at sana ay magpatuloy ito hanggang sa matapos ang araw na
ito. Malapit ng sumapit ang Alas-nuebe nang makatungtong ng paaralan. Industrial Psychology ang pagsusulit namin at si Ma'am Rose ang proctor.
Nakakabigay ng aliw sa tuwing ito ay magsasalita para magbilin at ang bait pa.
nakapagrepaso ako subalit nahihirapan pa rin sa pagpili ng sagot. Sa
kagustuhang makapasa pagkat pakiwaring nanganganib na bumagsak sa asignaturang
ito, naging seryoso ako sa pagsagot kahit kating-kati ng manghula, lalo na nang
magsialisan na ang mga kamag-aral. Sana ay may mapuntahan ang aking
pagkukumahog. Maya-maya pa ay natapos din ako. Kaagad kong hinanap si Sir
Esguerra para ipasa ang ipinagkatiwalang Autobiography ng mga kamag-aral.
9w-z. Daglian din naman itong namataan, kaso ay may kausap
at tila abala, kaya hindi rin napasa. Bandang Alas-singko pa ang simula ng
pagsusulit para sa Psychological Testing kaya kasama sina Nikki
at Ate Charm, tumambay muna kami sa library. Saktong naroroon si Jed at mukhang magiging sulit
na sulit ang araw pagkat matagal-tagal itong masisilayan. Hindi nga lang ako
makalapit sa kanya pagkat baka makahalata ito, kahit gustong-gusto nang tabihan
at makipagbiruan sa kanya, hanggang tingin na lamang ako’t ang cute niya pa rin. Hindi
tuloy ako makapag-concentrate sa
pag-aaral dahil sa kanya’t nakaka-distract,
idagdag pa ang samu’t saring boses na maririnig kaya lalo pa nahihirapang
magkabisado ng aralin. Makaraan ang dalawang oras, bumaba kami ni Ate Charm
para bumili ng pagkain. Habang hinihintay ibigay sa ‘min ang pagkain ay may
biglang kumalabit sa akin, si Sir Laus pala iyon at gulat ako sa ginawa
nito.
9x-a. Nakaramdam
ako ng tuwa pagkat iniisip ko na marahil, napatawad na niya ako at malaki ang
posibilidad na hindi magtatagal ay magkakaayos din kami pero ayaw kong umasa.
Batid kong sariwa pa sa kanyang ala-ala ang ginawa ko kaya hindi magawang
kausapin o kibuin man lang. Gayunpaman ay sana ay ito na talaga ang tanda na
pinapatawad na niya ako. Kahit na nasa library,
palihim namin nilantakan ang biniling pagkain, sa takot na mahuli ng Librarian at palabasin. Habang sarap na
sarap sa pagkain, itong si Jed, lingon nang lingon sa amin at tila ibig
manghingi. Ilang sandali pa ay lumapit si Jona Vee at nanghingi nang
pagkain sa ‘kin. Hindi ako makapaniwala nang ibigay ito kay Jed,
napag-utusan lang pala siya nito.
9x-b. Iba
talaga kapag umiibig ka pagkat gagawin mo ang lahat para sa kanya gaya ni Jona
Vee, kaso may napapansin ako kay Jed pagkat pinapansin o lumalapit
lamang ito sa akin kapag may kailangan, gaya na ng ipinakita nito. Bahagya
akong nainis sa kanya kaya nang ito na ang lumapit, parang ibig batuhin ng
pagkain pero nangibabaw ang kilig. Pagpatak ng Alas-kwatro, dumako na kami sa
kanya-kanyang silid. May nalalabi pang oras kaya walang ibang ginawa kundi
magrepaso. Nang Alas-singko na, may pumasok ng proctor, hudyat ng pagsisimula ng pagsusulit sa Psychological
Testing. Cover to cover ang
naging coverage ng exam kaya anong hirap at sakit pa sa
bungo, tila hindi na papalaring makakuha ng mataas na marka. Nang wala ng
maisagot, kahit hindi pa kumpleto ay daglian nang ipinasa. Lumagom na ang dilim
sa kapaligiran nang ako'y makauwi. Nasasabik ako para bukas pagkat gaganapin
ang Psych Night, isang hindi muling malilimutang karanasan kaya walang
ibang ginawa kundi maghanap at maghanda ng susuotin.
March 25, 2017
Saturday
Year V-084
9x-c. Hindi ko lamang mapigilan ang masabik sapagkat mamayang gabi ay may
magaganap na pagdiriwang naming mga Psychology Student at iyon ay
ang pagdaraos ng Psych Night. Mapalad ang batch namin
sapagkat ito ang kauna-unahang beses na gaganapin sa kasaysayan ng Our Lady
of Fatima University, kaya tila magiging makasaysayan ang araw na ito.
Pagkabangon mula sa mahimbing na pagkakatulog, kaagad nang naghanda. Ibig
sanang magsuot ng Gown o damit pambabae para maipakita na ang totoo kong
pagkatao at ganda, kaso takot ako sa magiging reaksyon ng magulang ko't baka
itakwil. Hirap din pala kapag may itinatago ka't ibig mong ilabas, kaso ay may
bumabalakid. Nakakainis lamang sapagkat may natitira pa kaming pagsusulit
ngayong araw, parang katamad ng pasukan, kaso ayaw kong kumuha ng special
exam kaya nakakatamad man ay pumasok pa rin. Gawa na wala nang maisuot na
uniporme, nagsuot na Casual.
9x-d. Bandang Alas-dose nang makarating nang paaralan at biglang
sumipa ang kaba nang may pumasok na proctor at laking pangamba na baka
hindi pahintulutan na kumuha nang pagsusulit dahil sa hindi nakasuot ng
uniporme. Maigi na lamang at si Ma'am Mactal at dahil magkakilala na,
binigyan niya ko ng konsiderasyon. Mapalad pa rin dahil mabait na proctor
ang napunta't approachable pa. Literature subject ang
pagsusulit namin ngayon at kahit hindi nakapagrepaso kung nakikinig naman sa
itinuro, naging sisiw lamang iyon sa 'kin. Nahirapan lamang ako pagdating nang Vocabulary
Words na. Dakong Alas-sais pa magsisimula ang program ng Psych
Night at matagal-tagal pa ang hihintay kaya matapos kumuha ng pagsusulit,
nagtungo muna ng Library. Maigi na lamang, nandoon si Gin Rhead,
kaya di naman ako nabato sa kakahintay, kaso walang ibang pinag-usapan kundi
tungkol sa problema niya't di mapigilang matawa pagkat napakababaw niya.
9x-e. Nakakaawa lamang kay Gin Rhead pagkat masyado itong
mahiyain at tingin ko'y hindi nito kakayaning tumayo sa sariling paa pagkat
parating nakadepende ang pasya sa mga taong nakapaligid sa kanya. Mapalad pa
rin ako dahil sa kabila na mahiyain at Intoverted, nakakaya pa ring
makihalubilo, iyon nga lang sa mga taong kapalagayan na ng loob at pakiramdam
na tanggap ako. Dakong Alas-tres nang magkita kami ni Nikki, nakabihis
na ito't gawa na Alas-kwatro na magsisimula ang registration, kaagad
nang nagbihis. Long sleeve na Violet with nectie ang naging outfit
ko at inis na inis sa sarili dahil ang gwapo ko pala kapag inayusan. Di man
komportable sa kasuotan pagkat gusto kong mag-gown at makipagsabayan at
makipagtalbugan sa mga dilag, pero marahil ay hindi pa ito ang tamang panahon
na ibukas nang bonggang-bongga ang aking mga pakpak. Pagkatungtong namin ni
Nikki sa may Atlethic Center, kung saan gaganapin ang Psych Night,
wala pang gaanong tao.
9x-f. Habang tumatagal ang unti-unting pagdating ng mga magsisipagdalo
at mahalina ng labis pagkat karamihan, especially sa mga babae'y
palong-palo ang kasuotan at makukulay at animo'y dadalo sa Grammy Awards.
Sa akin nakikita, mukhang may nagaganap na showdown sa dress at
walang magpapatalo't nagpapahuli. Maging mga lalaki kong kamag-aral na kahit
ang ilan ay di naman kagwapuhan, napapalitaw dahil sa kasuotan at mapapa-wow
ka ng bongga. Habang di pa nagsisimula, walang ginawa kundi magkuhaan ng
larawan. Lalo pang sumaya nang sa wakas, dumating na rin sina Nadia at Ate
Charm at maging sina Anne Rose at sama-sama sa iisang table.
Dakong Alas-sais nang magsimula ang program na pinangunahan nina Dean
Salazar. May umawit, may nagpakitang gilas sa pagsasayaw, iyon ang mga
naging kaganapan sa buong oras at pagpatak ng Alas-otso, sumidhi pa lalo ang
saya at di maiwasang masabik nang dumating si Smash-up Queen, Ate Guy
at may kasama pa itong bakla.
9x-g. Lakas nitong makapang-okray at walang pagal sa halakhakan habang
ito ay nagpapatawa. Saya din maging bakla dahil naniniwala ako na karamihan sa
amin, may angking galing sa pagpapatawa at sana isa na ko dun. Umigting pa lalo
ang tawanang nang umakting sila't gayahin si Nora Aunor at Vilma
Santos, palong-palo sa kalandian at outstanding. Tumagal nang higit
isang oras ang kanilang pagtatanghal at napasaya nila nang labis ang gabi
namin. Matapos ay Disco DJ na at kahit walang hilig sa mga ganyan dahil
sa mahiyain ako at walang angking galing sa pagsasayaw, minsan lamang ito kaya
nag-push na ko at ang saya pala dahil ng oras na iyon, pakiramdam ko'y
malaya ako't maaring pumigil. Malapit ng sumapit ang Alas-dose at sa pangambang
wala ng masakyan, itinigil na ang pagsasayaw. Nakisabay na lamang sa sasakyan
nina Eloisa at laking tuwa pagkat bukod sa may nasakyan, nakalibre pa sa
pamasahe.
March 26, 2017
Sunday
Year V-085
9x-h. Inabot na ng Alas-dose nang makauwi ako. Pagod na pagod na't
namumugto na ang mga Mata kaya matapos kumain ay daglian nang natulog. Dahil
lubos na bagsak ang katawan kagabi sa labis na pagod dulot ng pagdalo sa Psych
Night, tinanghali na ng gising. Walang magawa kaya gawaing bahay ang
inatupag ko. Sa sipag kong ito, maging kasulok-sulukan ay makakayang imisin.
Matapos ay naisipan kong mag-laptop bilang libangan at ang sarap kapag
may pinagkakaabalahan ko. Pagpatak ng tanghali at dala na namamayani muli ang
gutom, nananghalian muna ako. Anong init ng nararanasang panahon kaya panay ang
paypay nang maibsan ang maalinsangang panahon. Kinahapunan, pagtitinda naman
ang inatupag ko. Bigla akong nayamot nang may isang lalaki na baguhan lamang sa
aking paningin ang harapang niloko-niloko't sadyang kay lakas niyang mang-asar.
Hindi ko napigilan ang sarili kaya nasigawan ito't minura.
9x-i. Akala niya kasi ay nakakatuwa ang mga pahirit at tila walang
pinag-aralan. Sa yamot, muntikan ng hindi pagbentahan. Humupa lamang ang
namamayagpag na yamot sa dibdib nang ipagtanggol ni Mama. Sadyang may mga taong
mahilig mang-asar ng kapwa at wala pakialam sa kung anong magiging damdamin
gaya ng mga tambay sa amin, parang sarap ipadampot! Dahil sa nararanasang alinsangan,
naisipan nang gumawa ng Halo-halo. Nahirapan lamang ako sa paggawa pagkat hindi
biro ang magkaskas ng yelo't mauubos na lamang ang lakas mo nang kakarampot pa
lamang ang nakakayod na yelo. Kahit hirap na hirap, di ako sumuko't
ipinagpatuloy ang pagkaskas ng yelo. Sa huli, si Papa rin ang gumawa ng
halo-halo ko't sulit naman dahil naranasan kung paano ang trabaho ng isang
taga-gawa ng Halo-halo. Kinagabihan naman, panonood ng Telebisyon ang naging
pampalipas oras ko. May lakad pa bukas kaya kaagad ng natulog.
March 27, 2017
Monday
Year V-086
9x-j. Maliwanag na sa labas nang ako ay magising. Nakakatuwa dahil
wala nang pasok at simula na nang bakasyon subalit kailangan pang magtungo ng
Unibersidad pagkat may ipapasa pang Autobiography kay Sir Esguerra
at aasikasuhin pa ang Thesis. Mga bandang Alas-nuebe nang makatungtong
ako ng paaralan at kaagad na pinuntahan ang Faculty ni Sir subalit wala
pa raw ito. Hinintay ko pa ang mga kagrupo ko sa Thesis at hindi rin
nagtagal ay dumating na sila. Walang ibang inatupag kundi asikasuhin ang
pagpapalimbag at pagrerebisa ng Thesis at kapagod pagkat daming
pinapagawa. Nagpalimbag pa ng RDIC Form kaya dagdag gastos at mukhang
makakaltasan ng husto ang aking kwarta. Ilang sandali nang sa wakas, dumating
na si Sir Jigo at kaagad itong nilapitan.
9x-k. Habang aligaga sa pagsasaayos ng Thesis, hindi
maipaliwanag sa sarili kung bakit biglang lumigaya ang araw nang kamustahin ni Sir
Jigo. Mapapakwento na sana ako, pero naudlot dahil sa paglapit sa kanya ng
ibang estudyante. Akala ko wala na, pero tila bumabalik ang nararamdaman ko sa
kanya. Batid kong ikakasal na si Sir Jigo ngayong taon kaya marahil,
kailangan nang iwaksi ng tuluyan ang nararamdaman sa kanya't ibaling sa ibang
tao, yung tipong hindi pa taken at kapantay ng katayuan sa buhay para
hindi masakit sa loob. Marahil ay hindi siya tamang tao ang nakalaan para sa
akin at kailangan ng tanggapin iyon. Hindi rin nagtagal ay natapos din ang
pag-aasikaso namin ng Thesis at namayani ang tuwa dahil nakaraos din. Sa
halip na umuwi, kasama si Lexlie ay hinintay pa namin si Sir Esguerra
at Ma'am Casero. Makalipas ang isang oras, wala pa sila kaya
napagpasyahan naming umuwi.
March 28, 2017
Tuesday
Year V-087
9x-l. Naghahari na ang liwanag sa labas at ganap ng sumikat ang Haring
araw subalit hirap awatin ang sarili sa kama at ibig pang humilata ng matagal.
Ganap na palang sumapit ang Alas-otso at kailangan nang bumangon. Dahil wala
nang pasok at bakasyon grande na, nakakatuwa sapagkat may oras na para gawin ang
mga naisin. Laking pasalamat ko sapagkat nairaos din ang pag-aaral nitong Semester
at nalampasan lahat ng mabibigat at nakakapagbigay stress na mga bagay
habang binubuno ang oras sa pag-aaral. Iyon nga lang ay hindi maiwasang
mangamba sa kalalabasan at nawa'y wala akong bagsak. Napakatulin nga ng panahon
at parang kailan lamang nang kakatungtong ko pa lamang sa kolehiyo bilang Freshmen,
ngayon ay isang taon na lamang ang hihintayin at magtatapos na ko. Ano naman
kayang kapalaran ang naghihintay kapag nakapagtapos ako't nawa'y maganda, kung
hindi man ay nawa'y magawang tanggapin ng loob.
9x-m. Hindi ako natatakot sa kung anong magiging kinabukasan sapagkat
batid kong hindi pababayaan ng Maykapal at hindi mangangamba kapag patuloy na
nananalig sa kanya. Gawaing bahay agad ang siyang inatupag at matapos ay
pagtitinda. Matapos magtinda at bilang libangan at pampalipas oras, naisipan
kong mag-laptop at mag-edit ng kwento. Pagpatak ng tanghali,
ramdam muli ang maalinsangang panahon at kahit hindi pa naidedeklara ng PAGASA
na opisyal nang nagsimula ang panahon ng tag-init, animoy Summer na
pagkat damang-dama na. Sa labis na init, heto at kami ay naghalo-halo. Kahit
lumubog na ang araw at sumakop na ang yaring gabi, nananatiling maalinsangan ng
pakiramdam, sana ganito ang mga kaibigan ko na gaano man katagal at anuman ang
dumaan, mananatiling mainit ang pakikitungo at hindi magbabago magpakailanman,
yaong kaya kang samahan at tanggapin anuman ang mangyari at hindi ka
iiwan.
March 29, 2017
Wednesday
Year V-088
9x-n. Anong ganda ng napaginipan ko kaya tinanghali muli sa paggising.
Sana, kung anuman ang magagandang panaginip, mangyari sa totoong buhay at yung
pangit ay manatili na lamang na panaginip. Balak sanang magtungo ngayon sa
paaralan para ibigay kay Sir Esguerra ang Autobiography, kaso ay
may nais akong gawin ngayong araw. Pagkaalmusal, pag-e-edit muli ng
kwento ang inatupag ko. Sa sobrang abala ko, di namamalayan ang pagpatak ng
tanghali. Walang magawa at para iwas pagkabato, maghapon ay pag-e-edit ng kwento lamang ang inatupag ko.
Kahit paano, nalilibang ako sa aking ginagawa. Kinagabihan, panonood naman ng
telebisyon ang inatupag ko. Halos mapaluha ako sa natunghayang palabras sa Encantadia at grabe, kung ako lamang sa
katayuan nila ay tila made-depress
ako. Hirap din naman ng karanasan kapag namatayan ka ng mahal sa buhay at mas
masakit kapag biglaan, kaya habang hindi pa siya bianabawi ng langit ay
kailangan ng ipalasap ang pagmamahal sa kanya o sa mga kapwa natin dahil di
natin alam ang katapusan ng bawat isa atin. Mga dakong Alas-dose nang
mapagpasyahan ng isip na matulog.
March 30, 2017
Thursday
Year V-089
9x-o. Masarap
na sana ang tulog ko, nang magising kinamadaling araw dahil sa pagsakit muli ng
Ngipin ko. Sa tindi ng sakit, mapangiwi na halos, maging bungo ko ay apektado
kaya dali-daling tumungo ng tindahan para kumuha ng Mefenamic Acid.
Matagal-tagal din bago maibsan ang sakit. Ngayong dumadalas na ang pananakit ng
Ngipin, mainam na marahil na ipabunot na. Gawa na nasarapan sa pagtulog, dakong
Alas-otso na ko nagising. Pagkaalmusal, naisipan kong maglaba. Natutuwa ako
sapagkat bakasyon na talaga at nagwakas na ang hirap na pinagdaanan habang
nag-aaral. Ngayong bakasyon, balak kong gugulin ang oras sa mga bagay na bukod
sa magbibigay aliw at libangan ay ikakatuto pa. hindi naman ako nagtagal sa
paglalaba.
9x-p. Pagpatak
ng tanghali, dama nanaman ang maalinsangang panahon kaya hindi maiwasang gawin
ang mga bagay na magpapaibsan sa init na nararanasan. Ibig ko sanang lumabas at
magtungo sa bahay ng mga kaibigan, kaso baka makanap pa ng sakit. Mahirap na at
uso ang mga sakit sa panahon ngayon at kailangan ng ibayong ingat. Hirap din
pala kapag sakitin ka at napakalimitado ng mga bagay na ibig mong gawin para
lamang maiwasan ang pagkakasakit gaya ng paggagala, pagpapagod o pagkain ng mga
pagkaing masasarap pero punong-puno ng preservatives.
Kinagabihan, heto muli ako at magpapakaadik sa panonood ng telebisiyon. Hindi
pa dinadalaw ng tulog kaya pag-e-edit
ng kwento muli ang inatupag.
March 31, 2017
Friday
Year V-090
9x-q. Ganap ng sumapit ang madaling-araw at dumako na sa panibagong
araw, pero hindi pa rin makatulog at parang may ibig pang gawin kahit kalaliman
na ng gabi. Dahil hindi halos makatulog kagabi, heto at bigo nanaman akong
magising ng maaga. Kaaga-aga subalit nag-uumapaw na ang kulo ni ina at tila
sumasabay siya sa init ng panahon. Nakakaramdam na ng yamot sa kanya pagkat
sadyang bungangera’t nakakairita ang kanyang tinig kaya ibig ng sagutin, kaso
hinayaan na lamang siya. Ganito talaga kapag nakakaedad lalo na kapag babae,
madalas umiinit ang ulo gaya ni ina kaya kailangang pahabain ang pasensiya at
lawakan ang pag-unawa. Huminahon naman si Mama kinalaunan at umalis. Walang
magawa kaya pag-e-edit muli ng kwento
ang siyang inatupag at sa dami, mukhang bigong matapos ngayong araw at aabutin
ng siyam-siyam pero walang imposible sa taong masipag at may pagsusumikap.
9x-r. Gaanoman katayog ang minimithing pangarap mo sa buhay na tila
imposibleng abutin, basta may pagkukumahog at samahan pa ng pananalig sa
maykapal, magiging posible. Walang imposible kapag kay God basta manatiling manalig sa kanya at gaano man kadilim ang
tinatahak na daanan na tila hindi na masumpungan ang liwanag, manatiling matatag
at huwag mawawalan ng pag-asa. Kinahapunan, ramdam muli ng aking katawang lupa ang
naglalagablab na init na panahon at nakakahilo. Heto at naisipang lumantak ng
Halo-halo nang maibsan ang init na nararanasan. Bahagya naman naibsan ang init
pagsapit ng gabi pero mainit pa rin. Sa ganitong panahon na ikakayamot mo ang
maalinsangang klima ditto sa tinubuang bansa, tila ibig mong magtungo sa mga
bansa na nakakalasap ng niyebe at humiga sa mga tumpo-tumpok na yelo. Sa init
ng panahon, kasing lalim na ng balon ang gabi, pero hindi pa rin makuha ang
masarap na tulog.