Martes, Enero 31, 2017

49. January 2017 Journal (Day 1462-1492)

January 01, 2017
Sunday

(New Year's Day)

Year V-001

9m-q. Sa pagsapit ng hating-gabi, doon na nagliwanag ang buong kalangitan dahil sa makukulay at maiilaw na Fireworks Display, hudyat na nagpaalam na sa taong 2016 at sinasalubong naman ang papasok na taong 2017. Kanya-kanya ring pag-iingay ang bawat isa sa amin, mga batang walang habas kung hipan ang Torotot ng pagkaingay-ingay at ang ilan sa kanila, walang takot na sinisindihan ang iba't ibang uri ng mga paputok. Samantala ang mga kabataan, bukod sa nagpapaputok, nagpapaandar ng motor. Hindi pa nakuntento sa pag-iingay at pinagkakalampag at sipa pa nila ang gate ng bawat kabahayan at maging sasakyan. Maging gate namin, hindi nakaligtas sa kanilang katarantaduhan at nagsisigawan pa na aakalaing lango sa droga. Yung iba naman na ibig tumangkad, nagtatalunan. Hindi na talaga magkandamayaw habang sinasalubong ang Bagong Taon at naging magulo man, nanatili namang masaya at punong-puno ng pag-asang papalarin ngayong taon.

9m-r. Matapos ang putukan, nagkainan kami magpapamilya't halos mabundat sa dami ng kinain nitong Media Noche. Dakong Ala-una na ng madaling araw kami natulog. Saktong mataas na ang sikat ng araw nang magising at hindi naging maganda ang unang umaga ng taong ito sapagkat sinisipon at masakit pa ang Lalamunan. Marahil ay magkakasakit ako na huwag naman sanang maganap pagkat malapit nanaman ang balik-eskwela. Tanging mga handa nitong Media Noche ang naging agahan ko't sa dami ay nagkahalo-halo na ang kinain. Nakakabagot ang manatili sa bahay kaya tumungo muli ako kila Regine (Miano). Pagkatungo'y nandoon pa sila Gelyn at nagkakantahan.

9m-s. Hindi man pinagkalooban ng ginintuang tinig, heto muli ako't mapapasabak sa biritan kahit masakit ang lalamunan at nakakadagdag ng confidence kapag na-overcome mo ang hiya, pakiramdam ko, isa ng professional singer at nawa'y maging kinabukasan ko 'yon. Dahil napasarap sa pagbirit sa karaoke, nakailang kanta rin ako. Maya-maya pa'y umuwi muna ako. Pagkabalik, nalumbay ako nang ipabatid ni Regine na umalis na sila Annie at sayang dahil di man lamang nakapagpaalam sa kanila. Sa halip na magtagal pa ko'y hindi na nag-utay-utay pa sa pag-uwi. Pagkapanood sa balita, grabe ang sinapit ng mga biktima ng paputok, nagkalasob-lasob na mga daliri't yung ilan, nalapnos ang ilang bahagi ng katawan. Taon-taon na lamang sa tuwing sasalubungin ang Bagong Taon ay hindi na bago ang ganitong suliranin sapagkat marami pa ring pasaway na kung magpaputok ay walang pakundangan at nandadamay pa. May isa pa ngang dalagitang nag-aagaw buhay dahil tinamaan ng ligaw na bala. Tapos libo-libo pa ang nasunugan.

9m-t. Gaano man kahanda't puspusang pagpapaalala ang ginagawa, may mga bagay pa rin hindi maiiwasan kaya di makapagsaya ng maigi ngayong Bagong Taon. Medyo sumasama na ang aking pakiramdam kaya kaagad akong nagpahinga. Bahagya naman umigi-igi pagkagising ko subalit sinisipon pa rin kaya hindi magawang makapaglakwatsa. Kinagabihan, panonood ng pelikula ang inatupag ko na pinamagatang Scaregiver, tungkol ito sa dalawang lalaki na tanging hanap-buhay lamang nila'y magpanggap para makapagnakaw at nang mahuli sila, nagpanggap muli ang mga ito na baliw para hindi makulong subalit sa Mental Hospital ang kanilang bagsak na kung saan namamahay ang hindi matahi-tahimik na kaluluwa at taon-taon pumapatay ng mga pasyente at Nurse. Sa huli, matapos ang mga nangyari sa kanila'y nagawang magbagong-buhay at tahakin ang tuwid na landas hanggang sa malayo ang kanilang marating. Habang pinapanood ang pelikulang iyon ay halos masiraan na ng bait, di dahil sa nakakatawa kundi puro kabaliwan ang naiisip nilang plano kung paano makatakas sa Mental Hospital at nakakatayo rin ng balahibo dahil nakakatakot. Ganap na palang sumapit ang Alas-onse kaya daglian nang natulog.        


January 02, 2017
Monday

Year V-002

9m-u. Kinamadaling araw, nagising na lamang ako dahil sa pananakit ng ngipin. Sa tindi ng sakit, mapangiwi na ko subalit walang ginawa kundi tiisin. Napilitan tuloy akong bumangon para kumuha ng Mefenamic Acid at inumin. Dakong Alas-tres nang tuluyang mawala ang sakit at saka lamang nakatulog. Napasarap muli ang tulog, kaya Alas-nuebe na pala nang ako'y magising. Pagkabangon at dahil may ibang pinagkakaabalahan ang ilaw ng tahanan, ako muli ang namahala sa tindahan. Hindi ko maipaliwanag sa sarili kung bakit nayayamot sa tuwing mga bata ang bumibili't nakakaubos ng pasensiya. Sa sobrang stress ko, nagawa ng pagtaasan ng boses ang bata, paano ay napakagulong kausap at nakakainis yung nag-uutos sa kanya. Kahit mainitin ang ulo ngayon dala ng stress na tipong daig pa ang may dalaw, nagawa pa ring makitungo ng maayos sa mga Costumer.

9m-v. Bukod sa mga bata, nayayamot din ako sa mga taong walang ginawa kundi manigarilyo, maigi sana kung sila lamang ang mapapahamak kaso may nadadamay din ng mga nakakalanghap! Maging nga si ina ay nagagawang pagtaasan ng boses sa tuwing nagtatanong subalit mabuti na lamang, hindi nagsilang ng away. Naging abala ako sa obligasyong magtinda kaya hindi namamalayan ang oras at kailangan ng mananghalian. Nang makapagpananghalian at dahil nababagot, panonood muli ng Video ang siyang pampalipas oras. Labis kong ikinahanga ang natunghayang tampok na programa sa I Witness na pinamagatang "Pobreng Mayaman" sapagkat tungkol iyon sa isang babae na sa kabila na namumuhay ng hikahos at kakikitaang walang-wala, nagawa pa rin nitong tumulong sa kapwa gaya niyang kapus-palad at kawanggawa pa.

9m-w. Sa dami ng masasama sa panahon ngayon, bibihira na lamang ang mga taong matulungin at may matinding malasakit sa kapwa, dapat sa ganung tao'y pinagpapala ng walang hanggan at ipalasap ang kaginhawaan ng buhay. Matapos manood, nagtungo naman ako ng Computer shop. Sa ingay ng mga kasamahang umuupa na panay ang halakhakan, hirap akong makapag-concentrate sa ginagawa. Kahit maraming distraction ang nakapaligid sa akin, natapos naman sa ginagawa. Pagpatak ng gabi at gawa na hindi pa makatulog, pagbabasa ang siya kong inatupag. Ang kaninang tutok na tutok sa pagbabasa, nauwi sa pakikipag-chat kaya abutin na ng halos hating-gabi bago maisipang matulog.    


January 03, 2017
Tuesday

Year V-003

9m-x. Balik muli sa dating gawi matapos ang mahabang bakasyon at ipagdiwang ang nagdaang Pasko at Bagong Taon sapagkat ito ang unang araw ng taon na may pasok, mapaopisina man o eskwela. Masamang pakiramdam ang sumalubong sa paggising ko pagkat sinisipon nanaman at mukhang magkakasakit na huwag naman sanang maganap. Masama man ang pakiramdam nagawa ko pa rin magtungo ng Unibersidad, hindi upang pumasok kundi bumili lamang ng aklat at kakailanganin sa Psychological Testing. Dahil unang araw pa lamang at marami pa marahil ang hanggang ngayon ay nagbabakasyon, hindi ganoon karami ang pakalat-kalat na mga estudyante. Sa laki ng nagastos pambili ng mga kakailanganin, halos masaid na ang napamaskuhan. Nang makabili at sa halip na umuwi, tumungo pa ko sa klase ng mga kamag-aral. Saktong naroroon ang katuwang na si Mara at dahil wala si Sir Laus, walang ano-ano akong pumasok at nakipagtsikahan.

9m-y. Maya-maya pa'y dumating na si Sir Laus at biglang sumipa ang kaba sa kanya-kanyang mga dibdib ng sabihin nito na may resulta na ng pagsusulit sa Psychological Testing at ipapaskil na sa may dingding ang master list. Nagningas pa lalo ang kaba ng ipabatid na pito lamang ang nakapasa, di lamang sa section namin maging sa buong Third year level. Matapos ipaskil ang master list, namamayani man ang kaba't takot, nagsilabasan kami upang alamin ang naging resulta. Pagkatingin ko, magkahalong gulat at dismaya ang umiral sa dibdib sapagkat hindi akalaing pasok ako sa top 20 sa nakakuha ng pinakamataas na marka sa lahat ng dalawang daang estudyanteng kumuha ng pagsusulit, gayunpaman ay hindi ko ikinatutuwa iyon o magawang maipagmalaki sapagkat bagsak pa rin.

9m-z. Tila mga Biyernes-santo at pinagsakluban ng langit at lupa ang mukha ng kamag-aral nang malaman nila ang resulta't nakakapanlumo sa pakiramdam na nagpakahirap at pagod ka sa pag-aaral subalit kabiguan ang matatamo. Gayunpaman, hindi ako nawawalan ng pag-asa sapagkat marami pang pagkakataon para makapasa't doon ako babawi. Hangga't may buhay at pagkakataon, may pag-asa. Ang ilan kong kamag-aral, nag-iiyakan na lalo na si Anika pagkat naging masakit sa kanya ang nalamang resulta. Kung hindi lamang mataas ang expectation niya sa kanyan sarili, hindi sana siya magkakaganyan. Kaya maigi rin na dapat sakto lang, hindi abot-langit ang tingin sa sarili para hindi masakit kapag mabigo at iyon ang dapat niyang baguhin. Maigi na lamang, hindi ako ganung klaseng tao kaya kaagad din natanggap ang naging resulta. Matapos ang mga kaganapan, kaagad nang umuwi.

9n-a. Kinahapunan at pagkagising mula sa Siyesta, panonood ng pelikula ang inatupag ko na pinamagatang Angela Markado. Dito ay natikman ni Angela ang napakait na karanasan sa kamay ng limang lalaki at hindi lamang siya ginahasa, pinagbubugbog pa ito't binaboy ang katawan sa pamamagitan ng paglalagay ng Tattoo sa kanyang likuran. Napakatindi ng kanyang sinapit at nakakapanggigil panoorin ang palabas. Nang makatakas ito, doon na siya nakapaghigante at isa-isang pinatay ang mga lalaking nagmalupit ng labis sa kanya ng walang awa. Labag man sa batas ng Diyos at tao ang kanyang ginagawa, nakakabilib pa rin ito dahil naging matapang at nagawang patumbahin ang mga malulupit na barako sa lipunan. Sa huli at nang makamit niya ng lubos ang hustisya, sumuko ito sa mga awtoridad at pinalaya naman kinalaunan dahil sa mga napagdaanan niya. Nandilat nang husto ang mata ko pagkat ang galing ng pagkakagawa ng palabas, ang huhusay din magsipag-ganap ang mga tauhan na aakalain mong totoo at malamang ay hahakot ng parangal kung ilalaban sa FAMAS Awards o Grammy Awards. Kapag nga kabutihan ang itinanim mo sa kapwa mo, kabutihan din ang aanihin mo sa kanila, kapag masama, masama din gaya ng nangyari kay Leo na isa sa nagmalupit kay Angela.       


January 04, 2017
Wednesday

Year V-004

9n-b. May pasok nanaman kaya tinatamad man pagkat may kalamigan ang panahon, kailangan nang bumangon ng maaga para hindi mahuli sa pagpasok. Sa lamig ng panahon, hindi na naligo pa't sa takot na lumala ang sipon. Pagkatungtong ng paaralan, mga kamag-aral ko pa lamang ang nadatnan. Kasabay ng pagpasok ng taon ang pagsisimula ng Midterm Period at kay tulin na tipong hirap habulin kung hindi ka makakasabay. Si Nikki ang kapalitan ko ng salita habang wala pa si Ma'am Burabo. Pagkapasok ni Ma'am, isa-isa niya kaming tinawag para ibigay ang resulta ng pagsusulit. Nanlubag ang kalooban ko pagkat may katayugan ang naging resulta't sa galak ay ibig ng magtatalon-talon. Pagkatapos, nag-assign pa si Ma'am Burabo sa bawat grupo kung anong paksa ang iuulat, malas lamang dahil pangkat namin ang mauuna. General Botany ang sumunod kong asignatura't laking gulat nang mabatid na ngayon gaganapin ang Post-test, paspasan tuloy ako sa pagrerepaso.

9n-c. Para kaming dinag-anan ng kaba sa pagpasok ni Ma'am Eloisa at nakiusap sa ibang araw na lamang ituloy ang pagsusulit. Napakiusapan naman si Ma'am kaya nagturo lamang ito at maya't maya ang tawanan dahil nilalahukan ng katatawanan. Kahit madadang nilalang si Ma'am, kahit paano'y may natutuhan sa kanya. Ilang sandali'y dismissal time na para sa lecture at kina Phane ako sumabay para kumain. Dahil makwelang kasama't daming alam na biro, walang ginawa kundi magtawanan habang kumakain at pakiramdam ko, sila na ang bagong kaibigan sapagkat napapasaya nila ang araw ko't tanggap na tanggap. Makaraan ang ilang minuto, dumako na kami ng Laboratory. Nagkaroon lamang kami ng experiment at habang iyon ay isinasagawa, nagising muli ang kaba sa dibdib nang ipabatid ni Ma'am Eloisa na labing-dalawa lamang ang nakapasa sa pagsusulit at isa-isang pinangalanan.

9n-d. Napalitan ng tuwa ang kaninang kinakabahan sapagkat hindi akalaing mapapabilang sa mga pasado at laking pasalamat sa maykapal. Mukhang maganda ang pasok ng taon na ito sa akin at sana'y magtuloy-tuloy. Sa oras naman ng Economics, wala pa si Sir Nebres kaya ang buong klase, balot muli sa kaingayan. Ito namang si Jed na halatang bagot, ako muli ang napagkatuwaan at sa halip na ako ay siya pa mismo ang gumagawa ng paraan para kausapin ito. Dahil kumukurot ang kilig sa dibdib, hindi na mapigil ang sariling makipaglokohan sa kanya. Lalo pang sumarap ang lokohan at bolahan namin sa isa't isa nang makisawsaw si Rafa at tila masiyasat ito sa buhay ko pagkat daming tanong, napakwento tuloy ako. Nandoon si Jed kaya ganadong-ganado sa pagkukwento't panay titig sa kanya. Kumabog pa lalo sa kilig ang dibdib nang sabihin ni Rafa na magkamukha raw kami ni Jed, saan naman banda?

9n-e. Tumigil lamang ang masaya naming kulitan pagkapasok ni Sir Nebres at sa halip na magturo, may ipinanood lamang ito sa amin. Sumasakit nanaman ang Ngipin ko kaya hindi na pumasok pa sa sumunod na asignatura't napagpasyahang umuwi. Dakong ikalima na ng hapon nakarating sa bahay. Kahit paano'y umayos-ayos na ang lagay ng Ngipin ko. Wala pa palang nalulutong ulam kaya pagluluto ang inatupag ko. Matapos magpakahirap sa pagluluto, ready to serve and eatna ng hapunan. Kinagabihan, panonood muli ng Telebisyon ang siyang libangan ko't pagkatapos, matapos at dahil medyo maaga pa, pakikinig naman ng musika ang sunod na inatupag. Mga bandang Alas-dyis nang mapagpasyahang matulog. 


January 05, 2017
Thursday
Year V-005

9n-f. Papasikat nanaman ang bukangliwayway kaya kahit namamayani pa ang antok sa mga Mata, kinailangan muling bumangon ng maaga. Kahit pupungas-pungas ng lagay na tipong nabitin sa pagtulog at hinihikab, pinilit pa rin kumilos. Habang lulan ng tricycle, napansin ko ang aking kasabay na salungat na salungat sa kulay ng kasuotan ko. Siya naka-all black magmula itaas maging pang-ibaba samantala ako'y naka-all white na uniporme. Maging sa bag ay magkasalungat sa kulay ng kanyang bag. Sa aking nakita'y mukhang may ibig ipahiwatig iyon, di ko malaman kung ano. Tingin ko kaya nangyari iyon dahil nakilala na ang taong makakatapat ko't magkaibang-kaiba kami sa lahat ng bagay at pananaw. Marahil mayroon siya na wala ako't mayroon naman ako na wala siya. Saktong wala pa si Sir Jigo pagkatungtong ng paaralan kaya kwentuhan muli kami ni Nikki.

9n-g. Maya-maya pa ng dumating ito't may inanunsyo sa amin. Laking tuwa ng nasa loob nang iurong ni Sir sa ibang araw ang pasahan ng draft ng Thesis.  Matapos ang kanyang anunsyo, kanya-kanya nang asikaso sa Thesis. Hindi nga lang kami kaagad makapagsimula dahil hindi pa dumarating ang isa sa aming kagrupo. Makalipas ang ilang sandali, dismissal time na. Sa oras ng Humanities at sa halip na magturo si Sir Esguerra sa amin, may inanunsyo lamang ito at binigyan kami ng oras para pag-usapan ang tungkol sa paggawa ng Art exhibition. Matapos ay isa-isa namin iprinisenta ang gawang artwork. Sa halip na umuwi, hinintay ko pa ang aking mga kapangkat sa Psychological Research para pag-usapan ang Thesis.

9n-h. Maraming minuto na ang nakakaraan subalit wala pa sila. Iyon pala'y hindi matutuloy sapagkat nagkaroon daw ng emergency. Kainis lamang sapagkat parati na lamang nauudlot ang aming balakin at kung parating ganito, baka mauwi sa wala ang pagkukumahog. Kahit na ganon ay buo pa rin ang tiwalang matatapos at malalampasan ito. Tumungo na lamang ng Library at nag-research. Habang aligaga ako sa pag-research ng article ang pagdating naman nina Nikki at Nadia at dahil nakakatuwang kasama, sila ang kasabayan ko para mananghalian. Matapos mananghalian, hindi na ko nagpatumpik-tumpik pa, kara-karakang umuwi. Diretso pahinga ako pagdating ng bahay at dakong Alas-kwatro na nagising.

9n-i. Kaagad kong inasikaso ang aming Thesis at pinag-aralan ang sandamakmak na mga related literature. Sa sobrang abala ko na tipong lukot na ang mukha sa stress, inabot na ng gabi. Kinagabihan at habang tutok ang Mata sa panonood ng Telebisyon ay may umalingawngaw muling sigawan mula sa labas. Inalam ko ang kaganapan at pagkasilip, may lalaking nag-aamok ng away. Kay lakas ng kanyang loob at napakawalang modo sapagkat matanda ang kaalitan nito't bukod sa sinisigawan ay pinagmumura pa. Marami na ang umaawat nito kaso sadya siyang pangahas at akala'y walang makakapigil sa kanya. Away-bata ang pinagmulan ng alitan subalit biglang lumaki at kung sino-sino na ang nakakaaway niya. Ganyan talaga kapag lango sa alak o masamang bisyo at kailangang iwasan upang hindi mapariwara ang buhay. Halos isang oras din lumipas bago humupa ang away.           


January 06, 2017
Friday
Year V-006

9n-j. Naging pahirapan sa 'kin ang bumangon dahil sa lamig ng panahon. Dakong Alas-singko nang napagpasyahang bumangon. Pagkaalpas ng paaralan, mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadadatnan at saktong wala pa si Sir Laus. Dala na nababagot, sa halip na makipagdaldalan ay pagbabasa ang inatupag ko. Ganap nang sumapit ang Alas-otso subalit hindi pa dumarating si Sir Laus, kaya ang aking mga kamag-aral, lahat ng naisin, nagagawa at mukhang malabo ng matuloy ang klase sa Psychological Testing. Makaraan ang ilang sandali, pumasok na rin si Sir at may inanunsyo. Maya-maya'y binigyan kami ni Sir ng breaktime period at sina Mara ang nakasabay para kumain. Matapos ang breaktime, nagkaroon agad kami ng pagsusulit ngayong Midterm. Myers-Briggs Type Indicator ang naging pagsusulit namin ngayon, dito ay malalaman kung anong klase kang tao, kung paano ka makisalamuha sa mga nakapaligid sa'yo at kung ano ang pamamaraan mo sa buhay. Kahit walang mali o tama sa pagpili ng sagot, hindi pa rin naging madali sa akin ang pumili pagkat patungkol sa mga personality ang mga tanong at kailangan ko magpakatotoo para accurate ang magiging result.

9n-k. Nang checking na at maisuma ang nakuhang result, lumalabas na isa nga akong Introverted Person, sabi na nga ba. Medyo kinapos na sa oras kaya hindi na tinapos pa ang computation. Sa oras ng Industrial Psychology, nagkaroon muli ng pag-uulat. Tinamaan ako ng pagkabagot kaya umiral na ang antok at napapaidlip. Maya-maya'y dismissal time na at sa halip na direstso sa pag-uwi, pinuntahan ko pa sina Nikki sa library pagkat may napag-usapan kami. Wala sila nang aking datnan subalit hindi pa umalis at hinanap-hanap sila't hinintay. Habang sila'y inaabangan, tamang tsikahan lang kina Jona Vee at Eloisa at sila ang nagtanggal ng aking pagkainip. Makailang beses ng balik sa Library subalit hindi pa rin sila masulyapan, napagpasyahang umuwi na lamang.

9n-l. Kinagabihan at bago matulog, panonood muli ng Video ang napagkalibangan. Tungkol sa mga lumang tulay na itinayo noong panahon ng Kastila ang napanood na programa sa I Witness at doon lamang napagtanto na bukod sa ang papel nito'y itawid tayo patungo sa kabilang lugar, itinatawid din nito ang mga kasaysayan sa nakaraan sa pamamagitan ng mga nakaukit na sulat sa pader nito't hugis arko ang pagkakagawa gaya ng sa Europe sa halip na diretso-tuwid. Napanganga ako ng husto sa dami ng natutuklasan hinggil sa mga tulay at maigi na lamang, daang taon na ang nakakaraan ay buhay pa rin at nanatiling nakatindig. Maaga muling magigising kaya dagliang natulog matapos manuod.           


January 07, 2017
Saturday
Year V-007

9n-m. Namamayani muli ang malamig na panahon kaya ganap nang sumapit ang Alas-singko nang sipagin sa pagbangon. Sa panahon ngayon, tila kalaban mo nga ang lamig sa pagpasok ng maaga't kailangan magpakatatag. Malapit ng pumatak ang ikapito nang marating ang paaralan at marami pang kamag-aral ang wala maging si Sir Jigo. Gawa na hindi pa nagsisimula ang klase't wala pa ang mga kapangkat, dumako muna sa kabilang silid kung saan ginaganap ang klase ng mga kamag-aral sa Dash 3. Saktong naroroon si Ate Micah at kamustahan kaming dalawa. Habang kasarapan ng pag-uusap ang biglang pagpasok ni Ma'am Burabo. Balak sanang manatili muna sa kanilang klase subalit sadyang masiyasat si Ma'am Burabo at parang hindi katanggap-tanggap sa kanya ang aking dahilan, napagsabihan tuloy ng wala sa oras. Mukhang hindi pabor sa kanya ang maki-sit-in ako kaya bumalik na sa kabilang silid.

9n-n. Saktong kakapasok pa lamang ni Sir Jigo at paupo-upo na tila nakatingin sa kawalan. Sinamantala namin ni Kim ang oras na ipakonsulta kay Sir ang Title at Thank God dahil sa wakas, naaprubahan na rin at maaari na kaming makapagsimula sa Thesis. Maya-maya'y nagturo na si Sir subalit hindi rin nagtagal at maagang pinalabas. Sa oras ng Humanities, hindi makapagturo si Sir Esguerra dahil masama ang timpla nito, pinagawa niya na lamang kami ng Evaluation. Kahanga-kahanga siya sapagkat sa kabila na may karamdaman at kita sa kanyang mukha na nilalagnat, nagawa pa rin nitong pumasok at isa siyang huwarang guro. Pagkatapos ay dismissal time na't sa halip na umuwi ay sumama muna ako kina Nikki para kumain. Nang makakain, tumungo kami ng library at doon nagpalipas ng oras. Habang palitan kami ng kuro-kuro ni Jhanine ang pagdating ni Nadia, naging buhay na buhay ang usapan dahil daming alam na kalokohan itong sa Nadia at tila ang lalakas ng tama naming tatlo kung magtawanan. Laking tuwa ko nang ilibre nila ng Frap Mix Coffee at pakiramdam ko ng panahong iyon, sila na ang bagong kaibigan sapagkat magkapareho ng pananaw at nagkakaunawaan, bukod pa dun ay parati silang bukas sa akin.

9n-o. Tuloy-tuloy ang tsikahan habang nilalasap ang susyaling kape't pinasaya nila ang araw ko. Balak ko na sanang umuwi, kaso itong si Nadia, ayaw akong paalisin hangga't hindi ito nakakapasok ng klase. Masaya itong kasama kaya kahit kating-kati na sa pag-uwi'y parati itong pinagbibigyan at hindi maiwan-iwan. Nang hindi na makatiis ay saka lamang ako umuwi. Kinagabihan, napukaw ang damdamin ko sa natunghayang kwento sa Maala-ala mo kaya sapagkat puro pang-aabuso at pagdurusa ang pinagdaanan ng isang babae na nagngangalang Lyka sa kamay ng mga lalaki, dahilan kung bakit ang dati nitong maayos na buhay ay nagbago't naging masalimuot.

9n-p. Sa kabila na nayakap na nito ang maruming trabaho't hinayaang masira ang pagkatao, may lalaki pa rin ang handa siyang tanggapin at tinulungan pa ito para magbago subalit hindi iyon naging madali kay Lyka dahil sa kawalan ng tiwala't pamamayani ng takot. Sa huli, matapos na malugmok ito sa kasiraan ng buhay, natutuhan nitong magbago hanggang sa siya'y makabangon. Bukod sa kahanga-kahanga ang naging takbo ng kanyang buhay, nakakapagbigay din ito ng inspirasyon para sa mga tao na pakiramdam nila'y tuluyan ng nasira ang buhay pero ang totoo'y may pag-asa pa kung hahayaan nilang magbago.                


January 08, 2017
Sunday
Year V-008

9n-q. Sumapit na ang umaga subalit hindi pa rin makabangon-bangon gawa na giniginaw sa sobrang lamig ng panahon at tila nasa isang lugar na punong-puno ng yelo. Sa lamig, tinamaan muli ng Sipon. Dakong Alas-siete nang sipagin sa pagbangon at talaga namang ngatog na ngatog sa ginaw. Gawaing bahay agad ang inatupag matapos mag-agahan. Tila sinaniban  ako ng kasiglahan at kasipagan ngayong araw kaya nang makapaglinis sa loob ng bahay, pamamalantsa naman ang sunod na inasikaso. May pagpupulong pa kami ng aking kapangkat sa Psychological Research ngayong araw kaya daglian nang nagbihis. Medyo nagkasabay-sabay ang dapat asikasuhin sapagkat bukas na rin pala ang aming pag-uulat sa Filipino kaya bago ituloy ang lakad ay inasikaso muna ang nakatokang aralin na aking iuulat. Sa bahay nina Lexlie doon sa Deparo, Caloocan napagkasunduang isagawa ang Thesis kaya matapos ang report presentation ay diretso-larga na ko roon.

9n-r. Sa layo at tatlong sakay pa, inabot pa ng higit isang oras bago makaalpas sa Deparo at dahil hindi taga-roon, nagkandaligaw-ligaw ako't pahirapang matunton kung saan ang bahay nina Lexlie, tuloy ay panay tiktik na ko sa kanila. Dahil sa maling impormasyon at pagkakaintindi, saan-saang lupalop ako napadpad hanggang sa makarating ng Almar at abot-abot na pagkahapo ang inabot pagkat pabalik-balik, halos malagas na rin ang dalang pera pagkat makailang-ulit ng sumasakay. Wala akong maramdaman ng panahong iyon kundi pagod dahil katirikin pa ng araw at yamot, tila ibig na ngang umuwi pagkat nagsasayang lamang ng panahon subalit di sumuko't itinuloy ang pakikipag-text sa kapangkat.

9n-s. Maging sa pagpapa-load, makailang-ulit din at tila mauubusan na ng pera sa pagkukumahog-panaog. Dakong Alas-dos nang sa wakas, nagkabunga rin ang paghihintay ko't nakadaupang palad na sina Lexlie. Pagkatungtong sa kanilang tahanan ay saktong naroroon na si Kim na kanina pa raw ako hinihintay. Kaagad na namin sinimulang gawin ang Thesis at kahit hindi kaibigan o ka-close at madalas ayout of place sa dalawa, nagawa pa ring makisama hanggang sa kalaunan, napagtanto ko na masaya pala silang kasama't ang kaninang hindi makaimik dahil sa sobrang hiya, tila dinaig pa ang komedyante kung ako'y magpakwela't naging tsikadora na.

9n-t. Ang kaninang seryoso sa paggawa ng Thesis, nauwi na sa tawanan at minsan ay lokohan subalit hindi rin nagtagal ang katuwaan pagkat biglang nanakit ang Ngipin ko. Hindi lamang ako ang nakakaramdam ng pagsakit ng Ngipin maging si Kim kaya ang dapat sana na balak tapusin ang ikaunang yugto ng Thesis, naudlot at napagpasyahang sa ibang araw na lamang. Sa sakit, tila ibig ko ng magwala o humiyaw pero di magawa pagkat nasa ibang bahay, walang ginawa kundi batain ang sakit. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi at kahit sumasakit ang Ngipin, nakuha pang lumantak ng hapunan. Naibsan naman ang pananakit ng Ngipin kinalaunan. May pasok nanaman kinabukasan at sa pagod na rin gawa ng palakad-lakad, inagahan ko sa pagtulog.      


January 09, 2017
Monday

Year V-009

9n-u. Alas-dose ng madaling-araw ay nagising ako dahil sa pagsakit muli ng Ngipin at sa tindi'y halos ikabaliw ko na, nasira na tuloy ang tulog ko. Kahit antok na antok, napilitan akong bumangon para uminom ng Mefenamic Acid, parang bulang naglaho ang sakit nang tumalab. Dakong Alas-kwatro nang ako'y magising, medyo maaga pa kaya saglitan akong umidlip. Sa bilis ng oras, sa muling pagdilat ko'y ganap ng sumapit ang Alas-singko y medya. May pag-uulat pala kami sa Filipino at hindi ko ibig na mahuli ngayon kaya dali-dali na sa pagkilos. Gaanoman ang aking pagmamadali, nahuli pa rin ng dating at saktong naroroon na ang karamihan sa mga kamag-aral maging si Ma'am Burabo subalit tuwa sapagkat hindi pa nagsisimula ang pag-uulat. Ilang sandali pa nang magsimula ang pangkatang pag-uulat at habang hindi pa nakasalang, walang ibang maramdaman kundi kaba, lalo na't ibang aralin ang naibigay sa akin na hindi napag-aralan. Sa takot na magkalat, walang ginawa kundi ihanda ang sarili. Nang ako na'y lakas-loob na hinarap ang mga kamag-aral at nagsalita, napahiya lamang ako sapagkat naging palyado ang pag-uulat. Nadapa man ngayong araw ay iyon naman ang magiging daan upang matuto't mas pag-igihan pa.

9n-v. Kaya huwag matakot na magkamali, normal lamang iyan at iyon ang itinatatak sa aking isipan. Nagkaroon kami ng Suprise Quiz matapos ang pag-uulat at pagtalakay ni Ma'am Burabo. Dahil kami ang reporter sa araling gagawan ng pagsusulit, may ilan namang impormasyon ang naikintal sa isipan, iyon nga lang matamlay na marka ang nakamtam nang maiwasto't bawi na lamang sa susunod. Sa oras ng General Botany, wala kaming ginawa kundi maghalakhakan dahil sa makwela magturo si Ma'am Eloisa at tila dinaig pa ang mga batikanong komedyante kung magpatawa habang nagtuturo. Ang kaninang halos kabagin na sa kakatawa, tumaimtim nang manermon muli si Ma'am. Tila napaka-sensitive ni Ma'am Eloisa at maliit na bagay, ginagawan nang isyu, hindi na lamang palampasin kaya nasasayang ang oras. Sa kakakuda ng walang humpay, bigo nanaman si Ma'am tapusin ang aralin. Sa oras naman ng General Botany laboratory, nagkaroon kami ng Activity at iyon ay susuriin ang mga Specimen sa pamamagitan ng Microscope.

9n-w. Sa dami ng dapat gawin, hindi naging sapat ang tatlong oras para tapusin ang activity. Maya-maya, sa wakas ay dismissal time na rin at kina Phane muli nakisabay para kumain. Daming ko talagang tawa habang kapiling sila't laughtrip kami sa isa't isa. Makaraan ang dalawang oras, dumako na kami ng silid. Sa oras ng Economics, pangkatang pag-uulat muli. Kawalang ganang makinig pagkat walang kabuhay-buhay ang klase't kaantok pa. Sa halip na ituon ang sarili sa pakikinig, nakipagkulitan na lamang kina Phane at Delia. Kinabahan bigla ang kalooban at namayani ang takot nang tawagin ni Sir Nebres at tahasang sinita.

9n-x. Akala ko'y pagagalitan ng husto at palalabasin ng silid pero ginawa pa kong katatawanan, kaya ang mga kamag-aral na mistulang nakainom ng alak dahil idlipan, nagtatawanan na't biglang nagkabuhay ang klase. Tigil ang kulitan sa kanila matapos masita ni Sir at di ko akalain na mabait pala itong guro't nakakatuwa. Sa oras ng Literature, namayani muli ang kaba sa dibdib nang isa-isang banggitin ni Ma'am Zabala ang aming grado. Ikinadismaya ko ang nalamang resulta pagkat bagsak subalit ano pa nga ba. Matapos at sa halip na magklase, pinapunta lamang kami ni Ma'am Zabala sa may Auditorium para manood ng Film. Snow White and The Huntsman ang tampok na palabas subalit hindi na tinapos pagkat inabot na ng dismissal time at nagsiuwian na ang mga kamag-aral. Madilim-dilim na rin nang makauwi sa bahay at diretso kain. Matapos itutok ang mata sa panonood ng telebisyon, kaagad na kong natulog.                  


January 10, 2017
Tuesday

Year V-010

9n-y. May dapat akong asikasuhin ngayong araw, kaya napagpasyahan nang lumiban sa pagpasok para bigyan ng panahon ang sarili na isagawa ang balakin. Nagyeyelo muli ang lamig ng panahon kaya sapalaran sa 'kin ang bumangon ng maaga't hindi mapigilang mangatog. Matapos mag-almusal, sinimulan ko na ang paggawa ng Thesis. Hindi iyon naging biro at halos ma-brain drain na sa kakaisip ng dapat isulat subalit nagpatuloy pa rin dahil may determinasyong tapusin. Sa sobrang abala ko, hindi namamalayang apat na oras ng nakaupo sa mesa't tulala sa kakaisip ng isusulat. Sa pagpupursigi, natapos ko naman ang Thesis. Maya-maya pa'y nagbihis na ko upang tumungo sa paaralan. Nang pasakay ng Tricycle, ikinaimbyerna ko ang naging asal ngdriver dahil tila ayaw niya kong pasakayin, lakas-loob ko siyang tinaray-tarayan. Pinasakay naman ako nang pakitaan ng katarayan pero nang ako na lamang natirang mag-isa, pinapalipat niya ko sa ibang tricycle. Nagmamadali na ko nun at baka maulit nanaman nung nakaraan na ako'y naghintay pa kapag ginawa iyon kaya hindi ako pumayag at may pagtataray na sinabing ihatid ako hanggang terminal.

9n-z. Nag-asal tigre ang driver nang gawin ko iyon at sa galit, minaneho niya ng pagkabilis-bilis ang tricycle at wala sa kanya kung mapahamak ako, sira-ulongtricycle driver, sadyang maangas at akala kung sinong suwapang! Nag-uumapaw na ko sa galit kaya pagkababa, walang hiya itong kinompronta't hinataw ang kanyang tricycle, kahit marami ang makakakita. Batid kong mali ang aking ginawa pero punong-puno na. Hindi lamang unang beses na ginawa niya iyon sa 'kin, pangalawang beses na, kaya ganon na lamang ang reaksyon ko nang gawin niya muli iyon, napakabatugan at hindi inaayos ang pamamasada! Dapat sa ganong driver na gaya niya, inirereklamo, nang sa gano'y hindi na makapang-abuso pa ng pasahero't tumino-tino.

9o-a. Kahit saang anggulo titingnan, maling-mali siya't nasa akin ang karapatan. Hindi porket mas matanda siya sa akin ay kakayan-kayanin ako, aba'y umayos siya dahil di niya gugustuhing magpakita ako ng bangis! Kapal pa ng mukha't harapang binastos at minura kaya lalo pang nag-init ang dugo ko. Hindi naman nagtagal ang komprotasyon naming dalawa't pasalamat ito, kahit ginago niya ko ng todo-todo, palalampasin ko ito pero subukan niya lang umulit at hindi na magdadalawang isip na ireklamo ito! Nakarating ako ng paaralan na dala-dala ang yamot sa dibdib likha ng bwisit na driver na 'yon. Kahit gusto nang magwala sa galit, sinubukang pahupain ang nararamdaman.

9o-b. Balak ko sanang pumasok sa klase ng Industrial Psychology subalit nahuli na ng dating, hindi na tumuloy pa. Dumako ako ng Library at saktong namataan si Nadia, tsikahan muli kaming dalawa. Ang kaninang yamot sa dibdib, napalitan ng saya pagkat nakakatuwang kausap si Nadia at lalo pang sumaya ang sandali nang dumating si Nikki, nonstop muli kami sa tawanan at lokohan. Ilang sandali pa'y isa-isa ng nagpaalam sa akin ang dalawa. Hindi pa ibig umuwi kaya inasikaso ko muna ang Thesis at nagrepaso na rin sa General Botany pagkat may pagsusulit bukas. Sa buong oras na nasa library, tanging pagsusunog-kilay lamang ang inatupag. Dakong Alas-singko nang mapagpasyahang umuwi. Pagkauwi at sa tindi ng gutom, diretso lantak ako ng hapunan. Naging maulan ang gabi kaya lalo pang umigting ang nararanasang lamig. Matapos igugol ang sarili sa panonood ng telebisyon, agaran nang natulog.     


January 11, 2017
Wednesday

Year V-011

9o-c. Malamig na panahon at pamamayani pa ng antok ang nagpahirap sa 'kin para bumangon ng maaga. Alas-singko na't kahit aandap-andap pa ang mata sa kaantukan, daglian ng bumangon. Dakong Alas-sais nang makaalis sa bahay at pagkatungtong sa Batoda Terminal, saktong nakadaupang palad ang dating guro nung Elementary na si Sir Dennis, kamustahan kaming dalawa. Kahit walong taon na ang nakakaraan, nakikilala niya pa rin ako. Dahil may kanya-kanyang pasok, saglitan lamang ang pag-uusap namin at nakapagbigay ng inspirasyon ang sinabi niya sa akin. Ganap ng sumapit ang Alas-siete nang makaalpas ako ng paaralan at saktong naroroon na si Ma'am Burabo. Hindi pa naman nagklaklase si Ma'am, bagkus ay nakaupo lamang kaya lumabas muna ako't sinamantala ang panahong makapagrepaso sa General Botany. Ilang sandali pa'y pumasok na ko ng silid at saktong nagsimula na ang pagkatang pag-uulat.

9o-d. Pagkatapos ay nagkaroon kami ng maikling pagsusulit, wala halos maisagot pagkat nakaligtaan ang itinuturo kahit nakikinig, hindi tuloy katayugang marka ang natamo. Sa oras ng General Botany at habang wala pa si Ma'am Eloisa, ipinagpatuloy ang pagsusunog-kilay. Namayani bigla ang takot sa kanya-kanyang mga dibdib nang sabihin ni Ma'am na simula sa araw na ito'y magkakaroon muna kami ng pagsusulit bago ang kanyang lecture. Mukhang todo-todong pagsusunog-kilay na ang kailangan sa subject na 'yon para pumasa at habang nakuda pa si Ma'am, tuloy-tuloy lang sa pag-aaral at pagkakabisado kahit napi-pressure na. Ilang sandali pa'y nagsimula na ang maikling pagsusulit. Hindi pa naituturo ni Ma'am ang ibinigay na pagsusulit sa amin kaya mangamote ng labis sa pagsagot at napipilitan ng tumingin ng sagot sa katabi subalit hindi magawa pagkat bantay-sarado sa mata ni Ma'am.

9o-e. Pagkatapos ay saka lamang nagsimulang magturo si Ma'am Eloisa at ang kaninang klase na walang kabuhay-buhay at tila mga nakainom, sumaya nang magbiro si Ma'am, tawa na tuloy kami ng tawa't halos kabagin na nga. Maya-maya, sa wakas ay dismissal time na. Kina Phane muli ako sumabay para kumain at sa tindi ng gutom, naparami ang kinain ko. Ilang sandali pa'y tumungo na kami ng laboratory. Sa tayog nang inakyat, magkandahapo ng lubusan nang makarating ng laborotary. Wala kaming ginawa sa buong oras na 'yon kundi ieksamin ang mga Specimen sa slide gamit ang Microscope. Naging napakakuda muli ni Ma'am Eloisa kaya laking tuwa pagkat hindi natuloy ang mahabang pagsusulit. Dalawang oras pa ang hihintayin bago ang sumunod na klase kaya naki-sit-in muli ako sa klase nina Anne Rose na Abnormal Psychology.

9o-f. Tungkol sa Anxiety Disorder ang itinuro sa kanila ni Ma'am Joyce at very interesting pakinggan kaya kahit hindi niya estudyante, naging matanong ako't kahit kinuha na ang subject nung nakaraan, ngayon ko lamang nabatid na mayroong Selective Mutism, na kung saan namimili ng taong kakausapin. Kaya ko iyon kinonsidera sapagkat ako yung klaseng tao na hindi nagkukwento-kwento kani-kanino't kinakausap lamang ang mga tao na sa palagay ko'y pakikinggan ako't uunawain. Hindi ako makwento't madalas ay sa pasulat inilalabas kung ano ang nilalaman ng isip. Sa oras naman ng Economics, nagkaroon lamang ng pangkatang pag-uulat. Namayani bigla ang kaba nang tawagin ni Sir Nebres. Maigi na lamang, nakasagot ako kahit hindi klaro ang paliwanag. Iba talaga kapag inspired at nagiging aktibo ka. Sa oras ng Literature, may pangkatang pag-uulat din at pagkatapos, nakapagturo pa si Ma'am Zabala. Pagpatak ng Alas-sais, sa wakas ay sumapit din ang pinakaaasam ko, ang uwian. Sa tindi ng nadaramang gutom, heto muli sa paglamon pagdating ng tahanan at kung makalantak ng hapunan, tila isang buwang hindi nakakain. Hindi pa dinadapuan ng antok kaya soundtrip muli ako. Saka lamang ako natulog nang aandap-andap na ang Mata sa antok.                  


January 12, 2017
Thursday
Year V-012

9o-g. Panibagong umaga muli na gigising ng maaga para pumasok at sa sobrang dami ng inaala-ala sa isipan, hindi namamalayang araw na pala ng Huwebes. Mga bandang Alas-siete nang makarating ng paaralan. Saktong nakapasok na si Sir Jigo subalit wala pa ang karamihan sa mga kamag-aral maging ang kagrupo, lumabas muna ako't tumambay. Saka lamang pumasok ng silid nang dumating si Kim at agarang inasikaso ang Thesis. Matapos ay ipinakonsulta na namin kay Sir ang gawang Thesis at manlata halos pagkat maraming kailangang baguhin at tila back to zero. Halos hindi na nga halos alam ang gagawin, hindi pa dumarating ang isa pang kapangkat na si Lexlie. Kung kailan malapit na ang dismissal time, saka lang nakarating si Lexlie kaya biglang nagkaroon ng diskusyon sa pagitan ng dalawa nang magharap na muntikan ng magpang-abot subalit di naman naganap pagkat agad naman naliwanagan. Kapag Thesis na talaga ang pinag-uusapan, inasaalang na ang kaibigan.

9o-h. Kadalasan ito pa ang mitsa para masira ang pagkakaibigan ninyo, depende kung gaano katatag. Sa oras ng Humanities, sa halip na magturo'y may ibinahagi sa 'min si Sir Esguerra. Napakainteresado ng kanyang ibinahagi't makakatulong pa iyon sa mga balak maging guro gaya niya sapagkat kailangan mo muna raw paunlarin ang buhay sa pamamagitan ng pagsali sa mga Corporation bago magturo para enjoyable at manatiling may passion kahit tumagal pa ang career mo sa pagtuturo. Bukod sa interesting, mahalaga rin ang sinabi ni Sir kaya itinatak talaga sa isipan. Ang usapang patungkol sa pagsali sa Korporasyon, napunta sa kwentong personal at nabagbag ang damdamin namin sa kwento ni Sir Esguerra.

9o-i. Hanga ako sa kanya sapagkat sa kabila ng mga napagdaanang naging mabigat sa kanya, pinili pa rin nitong magpakatatag para sa mga anak. Napasarap ang kwento ni Sir kaya natapos ang oras nang hindi ito nakakapagturo pero ayos lang dahil may natutuhan pa rin kami. Sa halip na umuwi'y tumungo muna ako ng Library at inasikaso ang Testing Materials sa Psychological Testing. Nang makapag-ayos ng Testing Materials, nilisan ko na ang paaralan subalit wala pa talagang balak umuwi, tumungo muna ng Computer shop. Saktong nagkrus ang landas ng dating kamag-aral na si Jeremiah pagkatungtong ng shop, kamustahan kaming dalawa. Laki na talaga ng kanyang ipinagbago't tingin ko'y mas angat na ito sa 'kin.

9o-j. Magkagayon man, di naman mabubura sa isipan ang mga  pinagsamahan naming magkaibigan. Dakong Ala-una nang makatungtong ang yapak sa bahay. Matapos mananghalian, pamamalantsa ang inatupag ko. Medyo sinisipag-sipag ng lagay kaya nang makapagplantsa, naisipan ko pang maglaba. Nang takipsilim na, pagluluto naman ng hapunan ang aking napagkaabalahan. Kahit maraming ginawa ngayong araw tapos wala pang tulog, di man lang nakaramdam ng pagod, iba talaga kapag naipapakita ang silbi, pakiramdam mo'y lumalakas ang kumpiyansa sa sarili. Kinagabihan, dami kong tawa sa panonood ng Wow Mali at halos kabagin na nga subalit ayos lang kung laughter is the best medicine naman. Nasarapan ako sa panonood ng Comedy kaya dakong Alas-dyis nang mapagpasyahang matulog. 


January 13, 2017
Friday
Year V-013

9o-k. Friday the thirteenth kaya laganap muli ang mga pamihiin tuwing ganitong pagkakataon. Tayong mga Pilipino, sadyang nahilig na sa pamahiin kahit wala naman basehan kung magaganap ba ang bagay na 'yon. Medyo weird man pakinggan at hindi kapani-paniwala, hindi masama kung maniniwala subalit dapat din isipin na tayo ang may hawak ng kapalaran at karamay ang Diyos tungo sa magandang kinabukasan. Tanging Diyos lang ang nakakaalam sa mangyayari sa mga susunod na panahon, hindi tao. Nawala na ang antok kaya Alas-kwatro pa lamang, bumangon na ko't nag-agahan. May kalamigan pa rin ang panahon kaya naging mabagal ako sa pagkilos at nakakatamad man ang bumangon, pinilit ko pa rin. Alas-siete y medya na ako nakarating ng paaralan at saktong mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadadatnan at wala pa si Sir Laus. Dakong Alas-otso nang dumating si Sir at agaran nagkaroon ng pagsusulit. Bar-On EQ Test ang naging pagsusulit namin.

9o-l. Masyadong komplikado ang pagsusulit na iyon pagkat matrabaho't maraming proseso bago makuha ang pinakahuling resulta. Sa huli, matapos ang computation, lumalabas na marami pa akong dapat baguhin sa kung paano maglahad ng damdamin at kailangan ito kontrolin, na siyang tunay pagkat ako yung tipong tao na maikli ang pasensiya o magagalitin subalit sinusubukan naman pigilan, iyon nga lang may mga oras na punong-puno na ko, wala na sa akin kung magbulalas ng masasamang salita at makapanakit ng damdamin. Isa pa, hindi ko kayang magtiis sa isang sitwasyon na toxic at stressful. Matapos ay binigyan kami ni Sir Laus ng oras para kumain. Kung kailan pabalik na kami nina Mara sa silid, biglang sumagi sa isipang naiwan ang pitaka sa Canteen, dali-dali akong bumalik. Mabuti na lamang, itinago nila kaya napasakamay muli iyon sa 'kin, kung nagkataong hindi ay mawawalan ako ng pamasahe't laking pasalamat sa Diyos.

9o-m. Tungkol sa Myers-Briggs Type Indicator ang itinuro sa 'min ni Sir at dami nitong kakulitan at patawa habang nagtuturo, kaya ang buong klase, tila wala ng bukas kung maghalakhakan. Maya-maya'y dismissal time na't kahit halos limang oras na magkakasama sa Psychological Testing, nakakabitin pa rin kung makwela't nakakatuwa ang professor. Sa oras naman ng Industrial Psychology, gaya ng nakaraan, Group reporting pa rin kaya ang buong klase kung hindi mahinang nagkukwentuhan, natutulog. Dahil sa mga pangyayari, ngayon ko lang napagtanto na iba pa rin kung si Ma'am Ria ang maging professor at kahit istrikto at ubod pa sa taray, nagiging masaya at nakakalibang naman ang sandali, hindi ganito na boring at kakaantok subalit ayos pa rin kung kay Sir Juangco pagkat walang gaanong ginagawa't tinutulungan niya pa kami. Maya-maya'y uwian na rin. Kinagabihan at matapos manuod ng Telebisyon, nagbasa-basa ako. Mga bandang Alas-onse nang dalawin ng antok at matulog.           
   

January 14, 2017
Saturday
Year V-014

9o-n. Malapit ng sumapit ang Alas-siete nang magmulat ang mga Mata't bumangon. Mahuhuli na talaga ako sa pagpasok kaya napagpasyahang saSecond class period na lamang pumasok. Dakong Alas-otso nang umalis ako ng bahay. Minalas lamang ng lagay pagkat naipit pa sa trapik, ang resulta ay nahuli na ng dating subalit saktong wala pa si Sir Esguerra. Ilang minuto ang makalipas, dumating na ito at nagturo. Pagkatapos ay nagkaroon kami ngseatwork. Bukod sa tinuturuan niya kami ng magagandang asal at inilalapit ang loob sa Diyos, may isa siyang tinuturuang estudyante nang walang bayad kaya lalo pang umigting ang paghanga ko sa kanya't karapatdapat tawaging huwarang guro. Sa halip na diretso sa pag-uwi, tumungo pa ng library at doon nanatili. Maya-maya at ang kaninang bagot na bagot at mag-isa, biglang sumigla ang bawat sandali nang dumating si Nadia, non-stop muli kami sa tsikahan at minsan ay halakhakan.

9o-o. Makaraan ang halos dalawang oras na palitan ng kuro-kuro habang nasa Library, bumaba kami para kumain. Umiral ang tuwa sa dibdib nang kanya ilibre ng pagkain at sa totoo lamang ay masarap itong kahulibilo pagkat mabait at masayang kakwentuhan. Maya-maya pa'y nagpaalam na kami sa isa't isa. Wala pa palang 16 Personality Factor test sa Psychological Testing pagkat absent ako nang isagawa ang pagsusulit na 'yon at hindi alam kung paano sasagutan kaya naki-sit-in ako sa klase nina Anne Rose. Saktong si Ma'am Joyce ang kanilangprofessor at nagpaalam ako. Kaagad naman itong pumayag at ilang sandali pa'y nagsimula na ang kanilang pagsusulit sa pangunguna nina James (Malilin) at Potpot.

9o-p.  Naasar lamang ng bahagya kay Potpot pagkat sadyang matabil ang bibig nito, nabuko tuloy ako kay Ma'am Joyce at naisiwalat ang totoong pakay, mabuti't maintindihin si Ma'am kaya sa halip na pagalitan ay nakuha pa nitong makipagbiruan sa akin. Gayunpaman ay napahiya pa rin ako sa harapan ni Ma'am Joyce dahil kay Potpot. Sasamantalahin ko dapat ang pagkakataon na magpatulong kina James habang abala sa pagsagot ng pagsusulit ang mga kamag-aral sa Dash 2 kaso pumipigil ang hiya. Nahihiya man, sinubukan kong lumapit at tinuruan naman nila ako, iyon nga lang ay hindi ko makuha pagkat parang tensyonable kung magsalita si James at halatang naiirita. Pakiramdam ko'y nakakaabala na kina Ma'am Joyce kaya kahit hindi pa gasinong alam kung paano ang 16 PF Test, nagpaalam na ko't pasalamat.

9o-q. Hindi ko akalain na pipigilan ni Ma'am at tinuruan kung paano yun. Kahit mahina ang tuktok sa pag-unawa'y pinagtiyagaan niya pa rin ako at sadyang napakabait nitong guro. Kahanga-hanga ang kanyang ipinapakita. Nakuha ko naman kahit paano kinalaunan at matapos niya kong turuan, sinamahan pa ito para kumain subalit di rin nagtagal pagkat kaagad ng umalis. Umuwi akong magaan ang loob at may kasiglahan pagkat kahit na ganitong klaseng tao na aanga-anga ay may mga tao pa rin handang pagtiyagaan at unawain ako gaya ni Ma'am Joyce at swerte mo talaga kung siya ang professor. Kaagad kong sinagutan ang 16 PF Test at sa dami ng kailangang sagutan, inabot na ko ng gabi bago ito matapos. Nawala na sa isip ko ang itinuro ni Ma'am at lubhang nalilito sa gagawin kaya hindi rin nalaman ang pinakahuling resulta.                


January 15, 2017
Sunday
Year V-015

9o-r. Balot pa sa antok ang mga Mata at dahil walang pasok, dakong Alas-otso nang maisipang bumangon. Pagkaalmusal, sinimulan na ang paggawa ng Thesis. Kahit medyo nahihirapan pagkat kailangan formal at wala dapat lapses ang pagsulat, nagpatuloy pa rin, matapos lang. Walang ibang inatupag sa buong umaga kundi asikasuhin ang Thesis. Sa sobrang abala ko, di namamalayang Alas-onse na. Kinahapunan, paggawa naman ng assignment sa General Botany ang pinagkaabalahan at nagbasa-basa na rin pagkat may pagsusulit bukas. Kinagabihan, muling nagbunganga si ina dahil lamang sa hindi nakapagsaing. Nagpatuloy ito sa pagpapakawala ng maanghang na salita subalit hinayaan na lang namin at nagdadabog pa na akala'y kung sino. Nang hindi na makaya ang kanyang mga sinasabi, doon na nagsimulang magliyab ang kalooban at nasagot-sagot ito. Napuno na kaya nakapagbitaw na rin nang mga salitang hindi karapatdapat, patawarin nawa ng Maykapal sa mga nasabi pagkat nadala lamang ng galit.

9o-s. Pagsalitaan ba naman ng hindi magaganda't masasakit pa at hindi niya ko masisisi. Sanay na kong nakakarinig ng pagbubunganga ni Mama at inuunawa na lamang ito subalit ang batuhin ng masasakit na salita'y hindi makakaya. Maging si Papa, inaway-away niya't dami talaga nitong pinoproblema sa buhay, ultimo maliliit lamang at madaling solusyunan. Ganoon na nga marahil kapag nagkakaedad, dumadalas na ang pag-init ng ulo. Humupa naman ang alitan kinalaunan. Maaga pa't hindi pa makatulog, nanood muna ako ng Video. Grabe ang palabas na natunghayan ko na pinamagatang Justice for the Battered Child pagkat isang bata na dalawang taong gulang pa lamang ang nakaranas ng pagmamalupit mula sa mag-asawa.

9o-t. Bukod sa pinagsasalitaan ng masasama't dinuduro-duro, ginugulpi pa ito't nanggigigil ako kapag ginagawa nila iyon sa walang muwang na bata. Hanggang sa dumating ang panahon na bawian ito ng buhay dahil hindi na kinaya ang pambubugbog at abot-langit ang pagkahabag ko sa kanya. Sayang at ang cute pa naman ng bata, dapat ako na lang ang nag-alaga, hindi yung mag-asawang halang ang kaluluwa. Sa tindi ng awa, muntikan na ngang mapaiyak, pati din sa nanay ay lubhang naawa ako dahil umuwi ito galingabroad na isa nang malamig na bangkay ang anak at halos masiraan na sa labis na pagdadalamhati. Kung ako ang tatanungin, dapat sa mag-asawa, hindi lang ibinibilanggo, dapat binibitay nang sa ganon ay makamit ng lubos ang hustisya ng batang walang awa nilang minaltrato! Pagkatapos manuod, agaran na kong natulog.      


January 16, 2017
Monday
Year V-016

9o-u. Lunes nanaman, may pasok nanaman at kahit lugmok na lugmok pa ang mga Mata sa antok, kailangan muling bumangon ng maaga. Medyo hindi lamang kagandahan ang naging umaga ko pagkat nagloloko ang Sikmura't makailang ulit nang dumudumi. Kahit nasiraan ng Tiyan, sa kagustuhang may matutuhan at masilayan ang taong nagpapaligaya ng araw ko, walang balak lumiban ng klase. Dakong Alas-siete nang makatungtong ng paaralan at nabibilang lamang ang dami ng kamag-aral subalit naroroon na si Ma'am Burabo. Sa oras ng Filipino ay nagkaroon muli ng pangkatang pag-uulat. Matapos ang pag-uulat at dahil may nalalabi pang oras, nagbigay pa sa 'min si Ma'am ng Seatwork. Maya-maya pa, dismissal time na't tahasan akong pumasok kung saan ang klase ni Ma'am Joyce para magpaturo ng 16 PF Test. Kahit paano'y nakukuha-kuha ko naman, iyon nga lang ay di rin minsan maiwasang malito.

9o-v. May klase pa ko sa General Botany kaya kahit hindi pa tapos, nagpaalam na ko kay Ma'am Joyce. Sa oras ng General Botany, tuluyan nang isinagawa ang naudlot na pagsusulit nung nakaraang Linggo at medyo nahihirapan kahit nakapagrepaso. Habang sumasakit na ang tuktok sa kakaisip ng isasagot, sarap na sarap naman sa paglamon si Ma'am Eloisa sa pinamiling pagkain sa mga HRM Students na nagbebenta. Hindi pa nakakapag-agahan at kumakalam na ang Sikmura kaya bumili ako't lihim na kumain. Maya-maya'y natapos ko din ang pagsusulit at kaagad na inasikaso ang hindi matapos-tapos na 16 PF Test. Habang umuusad ang computation ay unti-unti nang nakikita kung ano ang tunay na pagkatao't hindi na maiwasang masabik. Sa oras na naguguluha'y pamaya't maya ang pasok ko sa klase ni Ma'am Joyce para magpatulong at kahit mukhang nakakaabala na'y wiling naman sa kanyang turuan ako.

9o-w. Kinalaunan at matapos ang napakahabang pakikibaka sa pag-compute, sa wakas ay nakuha na rin ang pinakahuling resulta't magkahalong tuwa at pagkadismaya ang naramdaman ko nang makita ang mga lumabas. Tama lamang marahil na kumuha ng kursong Psychology sapagkat maraming pangyayari sa buhay ang magulo ang nabibigyang linaw na't nakikilala na ang sarili. Matapos ay tumungo na ko ng laboratory subalit hindi natuloy nang matuklasang nawawala ang aking Testing Materials. Kaba ang namamayani sa dibdib sapagkat doon nakasalalay ang aking grade sa Psychological Testing at tiyak na malaking suliranin ang kakahinatnan kapag bumagsak, kaya nagkumahog ako sa paghahanap. Napalitan ng tuwa ang kaninang balisang-balisa sa kaba nang kinalauna'y masumpungan din ang Testing Materials.

9o-x. Akala ko'y babagsak na't laking pasalamat sa panginoon. Saktong nagtuturo na si Ma'am Eloisa pagkatungtong ng laboratory at matapos ay nagkaroon kami ng Experiment. Medyo tinatamad-tamad na kaya nawawalan na ng ganang makipag-participate at magsagot sa aklat. Makaraan ang higit dalawang oras, dismissal time na't kasama sina Phane ay sinamantala namin ang oras para kumain. Halos mabuwang na sa kakatawa habang kasama sila't habang lumilipas ang sandali'y pasaya nang pasaya ang araw at tila wala ng bukas. Napalitan ng pamamanglaw ang kaninang galak na galak nang magpaalam silang lahat sa akin, mag-isa nanaman ako.

9o-y. Pagkapasok ng silid, hindi pa nakakaalis si Ma'am Joyce subalit hindi na ito nagtuturo, nakipagtsikahan ako sa kanya. Open-minded si Ma'am kaya ibig ko sanang magkwento't ipakilala ang sarili sa kanya, kaso sadyang masalita itong si Rafa, hindi tuloy makasingit-singit at nawawalan na ng lakas ng loob, kainis. Ilang sandali pa'y dumating na si Sir Nebres at dahil kakaunti kami, hindi na natuloy pa ang klase. May klase pa sa Literature subalit sinaniban na ng katamaran kaya napagpasyahan ng umuwi. Pagkauwi, paggawa ng Diagnosis sa Psychological Testing ang napagkaabalahan ko, medyo nahihirapan nung una pero nakapag-isip naman ng maayos kinalaunan.  Kinagabihan at gawa na bagot na bagot, panonood ng telebisyon ang naging libangan ko. Pagkatapos at dahil mugto na sa antok ang mga Mata dulot ng maraming gawain, kaagad ng natulog.

January 17, 2017
Tuesday
Year V-017

9o-z. Sarap pang humilata ng tagal sa kama at matulog, lalo na't patuloy na yumayakap sa'yo ang simoy Paskong pakiramdam subalit kailangan nang bumangon. Dakong Alas-sais nang makaalis ng bahay subalit saktong naroroon na ang karamihan sa mga kamag-aral na abalang-abala sa paggawa ng Diagnosis maging si Sir Laus pagkatungtong ng paaralan. Matapos niyang mag-check ng attendance, pinapunta niya kaming lahat sa may Auditorium para dumalo ng Research Orientation. Hindi pa nagsisimula ang program kaya sinamantala ang oras upang  asikasuhin ang Personality Test Diagnosis at medyo nahihirapan pagkat kailangan consistent ang nilalaman ng result. Makailang saglit pa, nagsimula na ang orientation at may kinalaman sa amingThesis ang topic. Nang kanilang talakayin ay doon nalaman na hindi pala biro ang paggawa ng Thesis at daming restriction, nakakabigay tuloy ng stress. Maging mga mahilig mag-commit ng Plagiarism gaya ko, walang ligtas sa mga expert researchers at masyado silang mapangmata, kailangan own words kahit pigang-piga na.

9p-a. Kahit may pinagkakaabalahan ay may nakalap namang kaalaman at iyon ay Thesis muna bago feelings, sa madaling sabi, dapat muna isaalang-alang ang nararamdaman sa kaibigan kapag gagawa ng Thesis, be thinking not feeling. Makalipas ang dalawang oras nang matapos ang Research presentation. Ngayong araw na ang pasahan ng Diagnosis at hindi na tatanggap si Sir Laus sa ibang araw kaya aligaga kami sa paggawa niyon. Natapos ko naman kinalaunan subalit nang ipasa kay Sir, tahasan nitong ni-reject at pinapabago ang gawa ko pagkat maraming error. Ang dating si Sir na makwela't nakakatuwang kausap, tila may kulo sa mga dugo ngayon pagkat bukod sa hindi nito tinatanggap ang gawa ng karamihan sa 'min, pinagtatapon niyang parang basura ang gawa ng iba at naninigaw pa. Tila dinaig pa ang mga babae o binabae kung mag-react at ang arte niya.

9p-b. Hindi ko malaman kung bakit bugnutin ngayon si Sir at marahil ay may pinagdadaanan ito. Kinapos na sa oras kaya nagpasyang sa klase na lamang ng Industrial Psychology asikasuhin ang Diagnosis. Dahil hanggang Alas-tres lamang ang ibinigay ni Sir Laus na panahon para magpasa ng Diagnosis, lubusan akong na-pressure. Paggawa pa lamang ng isang Diagnosis para sa Bar-On EQ Test, nangangamote na sa hirap, what more kung kasali pa ang Myers-Briggs Type Indicator, sobrang stressful na ang makakalaban at nakakataranta. Kahit stress na stress na't pressure pa, nagpatuloy pa rin sa paggawa sa kagustuhang matapos at may maipasa.

9p-c. Natapos ko naman kinalaunan at bahala na kung tatanggapin o hindi. Matapos ang klase sa Industrial Psychology, kasama ang katuwang na si Mara, tumungo pa kami ng Guidance Office para magpasa ng Diagnosis. Namayani ang kagalakan sa dibdib nang sa wakas ay tanggapin din ni Sir Laus ang gawa naming Diagnosis at nagkabunga rin ang binunong hirap kanina. Pagkauwi, pamamalantsa ng uniporme agad ang aking inatupag. Kinagabihan, biglang nanakit ang Ngipin ko at sa sobrang sakit nito, nakadalawang lunok na ako ng Mefenamic Acid. Natagalan pa bago maglaho ang sakit. Matapos manuod ng Telebisyon, nagrepaso ako sa Industrial Psychology pagkat kami na ang mag-uulat sa susunod na pagkikita. Maya-maya pa'y inihimlay ko na ang sarili sa kama.             


January 18, 2017
Wednesday
Year V-018

9p-d. Wala pa sa isang buwan ang taong ito subalit tila marami ng nangyari sa aking buhay at maraming araw ang lumipas, araw-araw ba naman akong pumapasok, tapos nagkasabay-sabay pa ang dapat gawin. Sa sarap ng tulog, dakong Alas-singko na ko nagising at dagliang bumangon. Pagkatungtong ng paaralan, wala pa si Ma'am Burabo subalit ilang saglit na lamang bago ito pumasok. Nagkaroon muli ng pangkatang pag-uulat at matapos ay nagtalakay si Ma'am Burabo. Maya-maya'y nagkaroon kami ng activity. Kainis lamang sapagkat ang dali-dali na lamang ng pinapagawa't nasa aklat na ang mga sagot, hindi pa naperpekto. Sa oras naman ng General Botany, nagturo lamang si Ma'am Eloisa tungkol sa mga ugat. May mga tanong ang naglalaro sa aking isipan at hindi pa maunawaan kaya lakas-loob na nagtanong. Sa halip na tugunan niya, nagtanong pa siya. Kapag si Ma'am Eloisa nga naman, tanong mo, sagot mo.

9p-e. Maya-maya pa'y Dismissal time na, sa halip na dumalo nglaboratory class ng General Botany, kasama si Delia ay tumungo na lamang ng Library at sinamantala ang mahabang panahon para paghandaan ang pag-uulat sa Industrial Psychology. Kahit paano'y nakukuha na ang aking iuulat subalit kinakabahan pa rin pagkat baka mawala sa sasabihin at mautal. Pagsapit ng Ala-una, nilisan ko na ang library at saktong namataan sina Phane, sa kanila muli ako sumabay para kumain. Habang kapiling sila'y walang ginawa kundi magtsikahan at minsan ay tawanan kapag nakakatawa ang kwento. Ang nakakatuwang usapan namin, biglang napadako sa bagay na nakakatakot at kilabutan ako sa kwento nila. Medyo napapasarap ang kwentuhan kaya hindi namamalayan ang oras at kailangan na naming pumasok ng silid.

9p-f. Saktong wala pa si Sir Nebres kaya nadatnang nuknukan sa ingay ang silid at may kanya-kanyang pinagkakaabalahan ang mga kamag-aral. Sa oras ng Economics, class reporting pa rin. Nakakabagot ang klase kapag ganitong asignatura kaya lumabas muna kami nina Phane at tumambay sa kabilang silid. Laughtrip muli ako habang kapiling sila't sa tindi ng tawanan naming magkakasama, tila tinakasan na ng bait at isa na marahil ang araw na ito na pinakamasaya kahit mababaw. Magkakaroon pala ng pagsusulit sa Literature kaya nagrepaso ako subalit dinaig pa ang palengke sa ingay kaya hirap mag-concentrate, nakipaglokohan na lamang kina Rafa at ang lalakas ng kanilang trip.

9p-g. Natigil lang ang katuwaan namin nang pumasok si Ma'am Zabala at dagliang nagsimula ang pagsusulit. Hindi ako gasinong nakapag-aral kaya abot-abot ang pangangamote ko, ang resulta'y itlog ang nakuha ko't nakakahiya. Dahil puro kami mabababa, nakatikim ka ng sermon mula kay Ma'am. Kahit mababa o itlog ang marka ko, ang mahalaga'y hindi ka nanduga, iyon nga lang ay hindi maiwasang madismaya't nahihiya ako. Kaagad naman nagsimula ang Class reporting matapos manermon ni Ma'am Zabala. Pagkauwi at sa tindi ng gutom, pagkain agad ang hanap ko't nabusog ng labis sa dami ng kinain. Bago matulog ay nirepaso ko muli ang aking uulat sa Industrial Psychology. Diyos na ang bahala sa akin at nawa'y malampasan ito ng may tagumpay at hindi mauwi sa kapalpakan.       


January 19, 2017
Thursday

Year V-019

9p-h. Nagyeyelong lamig ng panahon ang sumalubong sa aking paggising kaya pahirapan ang pagbangon at ibig pang humilata ng matagal. Dakong Alas-siete y medya na nakarating ng paaralan at saktong naroroon na si Sir Jigo at karamihan sa mga kamag-aral subalit gaya ng mga nakalipas na araw, nakaupo lamang ito na naghihintay ng magpapakonsulta sa kanya at pag-asikaso ngThesis ang siya lamang iginugol sa buong oras na 'yon. Habang ang ilan ay pakikipagdaldalan sa katabi ang inaatupag kaya namamayani ang kaingayan sa buong silid kahit naroroon ang presensiya ni Sir Jigo. Ilang sandali pa ang makaraan, dismissal time na't habang pababa'y natuklasan may mga kalmos sa 'king braso, kinilabutan ako dahil wala naman kumalmot sa 'kin o di naman kinamot-kamot at nakakapagtaka dahil di malaman kung paano iyon natamo, marahil ay may umaswang sa 'kin. Ang hapdi-hapdi pa kapag hinahawakan at kung sino ang makakita niyon ay aakalaing nakipag-away ako.

9p-i. Sa oras ng Humanities, gulantang na may halong takot ang naramdaman nang magpamalas ng galit si Sir Esguerra dahil sa katangahan ng isa kong kamag-aral. Malaanghel ang kanyang kabaitan ayon sa pagkakakilala ko subalit masama pala ito magalit at hindi mo nanaisin ang kanyang sasabihin. Gayunpaman na kahit daig pa niya ang terror kung magalit, understandable naman at kahit na sino maging ako, magiging ganoon ang reaksyon kapag inaabuso ang kabaitan. Akala kasi nila kapag mabait ang tao, magagawa nang abusuhin o utu-utuhin at di ko malaman kung bakit ganoon ang karamihan sa ating mga Pinoy, mapagsamantala kaya walang kaase-asenso!

9p-j. Matapos ay nagbigay ng artwork activity sa amin si Sir Esguerra at iyon ay gagawa ka ng miniature animal sa pamamagitan ng Clay. Hindi naging madali sa 'kin ang pinapagawa kaya sa huli, ahas lang ang nagawa ko. Nagsitawanan tuloy ang mga kamag-aral nang iprisinta ang gawa ko maging si Sir. Wala na kong kasunod pang klase subalit sa halip na umuwi'y nagtungo pa ng library para magrepaso ng iuulat sa Industrial Psychology at gumawa ng Diagnosis sa Psychological Testing. Halos dalawang oras din ang dumaan bago ko lisanin ang library. Bukas na ang aming pag-uulat sa Industrial Psychology at medyo kinakabahan kaya tumungo ako sa Simbahan doon sa Novaliches Bayan para magdasal at humingi ng tulong sa Maykapal.

9p-k. Kaagad din akong umalis matapos ang pagdadasal at sana'y mairaos ang lahat ng bagay na magbibigay hamon sa aking buhay. Kakagaling lamang ng Simbahan subalit di mapigilang mairita sa tindi ng trapik at tila hindi na namamatay ang mga problemang kinakaharap ng Pilipinas gaya ng trapik. Dahil naiipit sa usad pagong na trapiko, dakong Alas-dos nang makaalpas ng tahanan at diretso ako sa paglamon. Kinagabihan, tiis-tiis muli sa pananakit ng Ngipin at sa tindi nito, napipilitan ng lulunin ang sangkatutak na Mefenamic Acid. Naibsan naman kinalaunan. Hindi pa makatulog kaya nagbasa-basa muna ako. Dakong Alas-dyis nang mapagpasyahang matulog.            


January 20, 2017
Friday
Year V-020

9p-l. Panibagong araw muli ang kakaharapin ng may sigla at may pag-asa. Medyo kabado lamang ang dibdib dahil ngayon na ang aming pag-uulat. Kinakabahan man, sinusubukang magpakatatag. Dakong Alas-siete na ng umaga ako nakarating ng paaralan. Sa oras ng Psychological Testing, nagkaroon muli kami ng pagsusulit at iyon ay Manchester Personality Test, hindi naman gasinong karami ang kailangang sagutan subalit natagalan pa rin dahil bawat detalye'y lubos kong inuunawa nang sa gano'y maging accurate ang resulta. Habang abala sa pagsagot at nagbabantay si Sir Laus, lakas-loob kong ipinasa ang gawang Diagnosis. Habang ipinapasa'y nakukuha pa nitong makipaglokohan sa 'kin kaya ang mataimtim na silid dahil pawang abala sa pagsagot ng pagsusulit, umingay na. Tinanggap naman niya kinalaunan, iyon nga lang ay may ipinag-utos sa 'kin at tawa ako nang tawa sa kanya pagkat nilalahukan ng kalokohan habang inuutusan.

9p-m. Kahit kailan ay sadyang mapagbiro't makulit si Sir Laus kaya gustong-gusto ito maging guro. Guilford-Zimmerman Temperament Test naman ang sumunod na pagsusulit at lubhang napakarami ng kailangan sagutan na aabot sa 300 items kaya mukhang aabutin ng siyam-siyam bago matapos, ang hihirap din ng mga katanungan kaya maiwasang manghula. Medyo sumasakit na ang tuktok sa kakaanalisa ng tanong kaya dumating na sa puntong minani-mani na lamang ang pagsagot at wala na sa akin kung anuman ang lumabas. Matapos ang pagsusulit at habang breaktime, sinamantala ang panahon para ihanda ang sarili sa napipintong pag-uulat. Medyo nahihirapan pa rin ako't hindi tiyak sa mga sasabihin mamaya kaya nagpatulong ako kay Karl.

9p-n. Sadyang matalino si Karl at malawak ang kanyang pag-iisip kaya manghang-mangha habang tinuturuan at parang di estudyante ang kaharap ko kundi professor. Bukod sa aking iuulat, tinuruan niya rin ako maging Confident at siya ang nag-alis ng kabang kani-kanina pa binibitbit. Habang may sesyon kaming dalawa ni Karl ang pagdating naman nina Joan. Wala pa si Sir Laus sa silid kaya nakipagkwentuhan sa kanila. Mistulan akong komedyante sa harapan nila pagkat parang walang bukas kung makahalakhak habang nagkukwento't maligaya ako dahil napasaya sila. Natapos lang ang aming katuwaan nang ipabatid ni Rhica na nakapasok na si Sir Laus. Laking tuwa namin nang ianunsyo ni Sir na magkakaroon kami ng Field Trip sa Marso't kahit malayo pa'y matindi na ang sabik sa dibdib at sana'y makasama ako.

9p-o. Maya-maya pa'y lumabas na kami't pagkadako ng ibang silid ay agad na naming inasikaso ang mga gagamitin sa pag-uulat. Wala nang ibang maramdaman nang panahong iyon kundi kaba't pakiwaring sisilaban sa pwet at patindi pa nang patindi habang lumilipas. Nahihiya man, walang ginawa kundi lakasan ang loob na humarap sa kamag-aral alang-alang sa grado at magsalita. Habang nag-uulat ay unti-unti nang naiibsan ang hiya't lalo pang nadagdagan ang Confident dahil sa mga itinuro ni Sir Juangco at itinatak ko talaga sa isipan ang kanyang mga sinabi. Para akong lumulutang sa alapaap matapos mag-ulat at salamat sa Diyos dahil nairaos ng maayos ang pag-uulat at di niya ko pinabayaang malagay sa kapalpakan. Ikinataba din ng puso ko ang sinabi sa 'kin ni Sir Juangco at sarap sa pandinig at alalahanin ng paulit-ulit. Diretso na ko sa pag-uwi matapos ang klase sa Industrial Psychology. Kinagabihan naman at gawa na hindi pa dinadalaw ng antok, nagbasa-basa muli ako. Dakong Alas-onse nang maisipang mahiga sa kama.

January 21, 2017
Saturday
Year V-021

9p-p. Dahil may balak lumiban ng klase ngayong araw para magkaroon ng sapat na panahong asikasuhin ang dapat asikasuhin, maliwaliwanag na sa labas nang magising at bumangon. Kakaibang sigla muli ang namamayagpag sa kalooban ngayong umaga't umiigting pa ito, lalo na't sumasagi siya sa 'king isipan nang paulit-ulit. Sarap balikan at alalahanin ang mga napagsamahan namin at lumiligaya ang araw sa tuwing ginagawa iyon kahit hindi siya naririto. Nagsisisi ako, dahil namuhi ng labis sa kanya nung panahong may sinabi itong hindi maganda sa akin na siyang dahilan para masira ang pagkakaibigan namin. Ngayong magkakilala na lamang ang turingan sa isa't isa, ngayon pa nagkakagusto sa kanya at unti-unti pang nahuhulog habang tumatagal. Hindi ko malaman kung bakit patay na patay kay Jed, na dati naman ay wala lang at ang gwapo niya talaga kung iisipin. Matapos mag-agahan, sinimulan ko ng gawin ang report sa Literature. Pinagsabay ko ang paggawa nang iuulat at pagrerepaso sa takot na magkalat at mapahiya't sa kagustuhan na rin maging successful ang pag-uulat.

9p-q. Lubhang naging abala ako kaya di namamalayang malapit ng sumapit ang Tanghaling tapat. Kahit hindi pa tapos sa ginagawa at dala ng gutom, itinigil ko muna para kumain. Dakong nang magtungo ako sa Computer shop para gawin ang Report presentation sa Literature at mag-research. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi sa bahay. Walang magawa't para tanggal bagot, panonood ng Telebisyon ang iginugol ko. Makabagbag-damdamin at habag ang namamayagpag habang tinutunghayan ang kwento sa Magpakailanman. Tungkol iyon sa isang lalaki na nagngangalang Ramon na magmula nang tamaan ng sakit na Typhoid Fever nung ito'y sanggol pa lamang ay naapektuhan ng husto ang paraan ng kanyang kinikilos at hindi tuwid ang pagsasalita.

9p-r. Dahil sa kanyang kalagayan, lumaki itong pinagkaitan ng pagmamahal mula sa kanyang ina at mga kapatid, sa halip na tulungan at unawain ay pinapalasap pa sa kanya ang misirableng buhay kaya apaw na apaw ang panggigigil ko. Sa kabila ng kanyang abnormalidad, may tao pa ring pinakitaan ng pagmamahal at naging magkatuwang pa sila. Sa huli, natanggap din si Ramon ng kanyang pamilya at na-realize na sila ang malas at walang alam sa halip na siya. Halos maluha na ko pagkat nakaka-touch, bukod pa dun ay nagbibigay din ng inspirasyon sa gaya niyang hirap magsalita maging sa akin na tila tanggap ng walang papatol dahil sa ganito ako subalit nabubuhayan dahil unti-unting nasisilayan ang pag-asa. Kung siya nga may nagmahal, paano pa kaya ako.  Matapos manuod ng telebisyon at bago matulog, namalantsa ako. Dakong Alas-dyis nang maisipang matulog.  


January 22, 2017
Sunday
Year V-022

9p-s. Naghahari na ang liwanag sa labas subalit pahirapan pa rin ang bumangon dala ng malamig na panahon. Nakaya namang bumangon kinalaunan. Habang nagkakape'y nakaramdam lamang ng tampo habang kinakausap ni Mama si Kuya Al. Paano sa kanyang ginagawa, parang pinapakitang wala akong halagang anak sa kanya. Pilit kong inuunawa subalit kapag paulit-ulit ay parang unti-unting naiipon ang sakit sa kalooban. Dahil sa paghihinanakit, nagawa nang pagtaasan ng boses si Mama nang kanyang kausapin sabay walk-out. Ayos lang sa akin kung isang beses, mauunawaan talaga pero kung paulit-ulit, nasasaktan ang kalooban ko. Di ko mawari kung bakit ganoon siya makitungo sa akin at tila bang ang layo ng loob, tapos madalas pang pagalitan. Matapos mag-almusal, naisipan kong maglaba nang sa ganon, makita niyang may silbi ako't hindi lang palamunin! Lahat ng hinanakit ko sa kanya, ibinuhos sa pagkukusot at sa diin ay muntikan ng mawakwak.

9p-t. Umigting pa lalo ang pagsama ng loob nang sabihin niyang naninibago raw ito sa ginagawa ko't sa halip na matuwa, naiinsulto ako dahil ipinamumukha lamang niya sa aking di naa-appreciate ang mga nagawa't naitulong ko bago pa man ito. Ayaw ko ng magtanim pa ng sama ng loob kaya pinilit na iwaksi sa isipan ang kanyang sinabi't nagpatuloy sa paglalaba. Sa dami ng nilabhan, abutin ng halos dalawang oras bago matapos at kung kailan nagsasampay, saka nagtago ang Haring araw. Matapos magsampay, sa di malaman ay biglang sumama ang timpla ko't mukhang magkakasakit. Kaagad akong nagpahinga matapos mananghalian. Napasarap ang tulog ko kaya dakong Alas-kwatro nang magising at hindi pa rin umiigi ang pakiramdam, di tuloy makapaglakwatsa, sa takot na lumala. Kinagabihan, lalo pang sumungit ang pakiramdam ko't panay ang pagsinga. Naging maulan ang gabi na siyang nagbigay lamig sa pakiramdam at sarap sa pagtulog.    


January 23, 2017
Monday
Year V-023

9p-u. Magdamag na bumuhos ang ulan kaya lalo pang umigting ang malamig na panahon. Dakong Alas-kwatro ng madaling araw nagmulat ang mga Mata subalit tinatamad pang bumangon dahil sa lamig ng panahon kaya Alas-singko na nang sipagin sa pagbangon. Humupa naman ang ulan pagputok ng liwanag kaya may pasok pa rin. Umigi-igi na rin ang pakiramdam ko kahit sinisipon pa kaya walang dahilan para lumiban sa klase. Saktong naroroon na si Ma'am Burabo at nagsimula na ang pangkatang pag-uulat pagkatungtong ng paaralan subalit kataka-taka dahil kakaunti lamang ang nadatnang kamag-aral. Matapos ang pag-uulat at magturo ni Ma'am, nagkaroon muli kami ng Seatwork. Napaikli ng ibinigay na oras ni Ma'am Burabo kaya na-pressure ng labis habang nagsasagot, paano'y napakarami. Maya-maya pa, tapos o hindi tapos ay kailangan ng ipasa ang gawa't grabe si Ma'am, masyado niya kaming inapura sa gawain kaya nang maiwasto'y karamihan sa amin ay nakakuha ng mabababa.

9p-v. Tapos sasabihin niya lang na para kaming baby kung kumilos samantalang nagkukumahog na nga ng lubos, matapos lang ang seatwork kaya nabanas ako ng kaunti. Aakalain mong nagmamadali't mahaba pa naman ang oras bago ang dismissal time. Sa oras ng General Botany, nagturo lamang si Ma'am Eloisa at habang ito'y nagtuturo ay sinamantala ang oras magrepaso pagkat magkakaroon kami ng practical exam mamaya. Nakakaramdam na rin ng gutom kaya lumabas muna para kumain. Pagkabili't habang naglalakad ay namataan sina Jona Vee at Jed. Nakaramdam ako ng kaligayahan kaya hindi napigilan ang sariling tumabi sa kanila. Nagkakulay pa lalo ang sandali nang makipaglokohan muli ito sa 'kin at lakas talaga nito mang-trip, kaya sa halip na mabuwisit ay kinikilig pa. Ilang sandali pa't nang maubos ang kinakain ay pumasok na ko. Sa oras ng General Botany Laboratory at habang hindi pa nagsisimula ang practical examay walang ginawa kundi magrepaso kahit hirap ipasok sa utak ang inaaral at nagugutom. Makaraan ang isang oras, namayani ang kaba sa dibdib dahil ganap ng nagsimula ang Practical Exam.

9p-w. Nagrepaso ako subalit kung kailan nakasalang, nga-nga't mangamote ng labis sa pagsagot kaya ang linis ng papel at hindi na umaasang makakabingwit ng mataas na marka. Pagkatapos at sa tindi ng gutom, hindi ko na nahintay pa sina Phane sa pagkain. Dami ko muling halakhak habang kapiling ang mga ito't maya-maya'y dumako na ng silid. Sa oras ng Economics, class reporting muli sabay leksyon si Sir Nebres. Sa landi kong ito'y nakaw-tingin sa kanya't kahit nakakabagot ang subject, sa halip na antukin ay ginaganahan ako. Sa oras ng Literature, nagkaroon din ng Class Reporting, kinakabahan ang kalooban pagkat kami na nina Charice ang mag-uulat sa susunod at habang nag-uusap-usap ay naimbyerna sa kanya, paano'y ayaw niya kong pakinggan, akala nito'y nagdadahilan ako.

9p-x. Sa inis ay napalakas ang boses habang kausap ito. Ilang sandali pa'y uwian na rin. Naibsan ang yamot na nanalaytay sa dibdib habang kasamang naglalakad patungong SM sina Anne Rose at panay halakhakan kami subalit biglang nag-iba ang timpla ng mukha nito sa di malaman na dahilan. Inakala ko na ako ang dahilan subalit di pala nito naibigan ang mga biro nina Limboc at pulang-pulang ang mukha sa pagkabanas, sinubukan kong pahupain ang nararamdaman nito subalit talagang nagpupuyos ito sa galit at muntikan ng umiyak. Pagkauwi, parang ibig ko ng matulog dala ng pagod subalit may dapat pang asikasuhin. Dakong Alas-dyis nang maisipang matulog.       


January 24, 2017
Tuesday
Year V-024

9p-y. Sa nararanasang lamig ng panahon, nahihirapang awatin ang sarili sa kama. Dakong Alas-singko y medya nang mapagpasyahang bumangon. Sa halip na dumako ng Unibersidad, tumungo pa ng Mercury Drugs para bumili ng gamot. Mahuhuli na ko sa pagpasok kaya kahit hindi pa naabutan ng gamot, napagpasyahan ng umalis at mamaya na lang bumalik. Saktong wala pa si Sir Laus subalit kaagad din itong dumating at may inanunsyo. Ilang sandali pa'y sinimulan na naming iwasto ang mga kinuhang pagsusulit nung nakaraang linggo't nag-compute. Medyo nagtataka lamang sa lumalabas na resulta't hindi kapanipaniwala kaya tahasang ipinakonsulta kay Sir Laus. Gulat ako sa naging katagunan nito't baklang-bakla kung maka-react, umulit tuloy kami pagkat mali ang paraan ng computation subalit langit ang naramdaman pagkat pinuri nito't nakaka-overwhelm.

9p-z. Maya-maya'y breaktime na't sa halip na kumain, kasama si Pamela ay tumungo kami ng Mercury Drugs. Nakabili rin kaagad ng gamot at pagkabalik ng silid, wala pa ang karamihan sa mga kamag-aral maging si Sir Laus, sinamantala ang tahimik na silid para magrepaso subalit nabasag ang nanalaytay na katahimikan nang pumasok sina Kalvin at nakakairita ang tawa pagkat paimpit na tila pinipilipit ng paulit-ulit. Nung una'y nairita ako pero laughtrip na rin habang humalakhak si Kalvin. Ilang sandali pa'y pumasok na si Sir Laus at nagkaroon muli ng pagsusulit. Gordon Personal Profile Test at Curtis Interest Scale Test ang naging pagsusulit namin. Hindi gasinong karami ang Items na sasagutan kaya daglian din natapos at nakapag-compute pa nga.

9q-a. Sa sobrang abala namin sa computation sa kagustuhang malaman ang personality, di namamalayang Dismissal Time na. Gagawa pa ko ng Report presentation sa Literature at Thesis sa Psychological Research na nagkasabay-sabay kaya napagpasyahang huwag ng daluhan ang klase sa Industrial Psychology. Inabot ako ng halos tatlong oras na babad ang mata sa Computer bago matapos ang report. Gagawa pa ng Thesis kaya hindi muna umuwi't iyon ang sunod na inasikaso. Dakong Alas-singko nang makarating ng tahanan at medyo lugmok na ang mata sa pagod dulot ng stressful activity. Kinagabihan, tamang relax muli sa panonood ng Telebisyon at isantabi muna ang stressful na gawain. Ilang sandali pa't dulot ng kapaguran, daglian na kong natulog.         


January 25, 2017
Wednesday

Year V-025

9q-b. Masarap sana ang tulog subalit nagmulat na ang mga Mata dahil sa ingay na dulot ng pagtatalo nina Mama at Papa. Kaaga-aga'y napakainit na ng kanilang bangayan subalit hindi naman lumala't nagtagal. Ngayong araw namin isasagawa ang pakikipagpanayam sa HR Manager na siyang project sa Industrial Psychology kaya kahit may klase at may report pa sa Literature, nagawa munang lumiban. Bandang Alas-nuebe nang makatungtong ng Batoda Terminal kung saan ang tagpuan at inabangan sina Mary Frincess at Kristel na aking mga kapangkat. Pumatak na ang Alas-dyis, hindi pa sila namamataan, ni hindi ko nga natatanggap ang kanilang reply kapag tini-text, kaya napag-isip-isip na marahil ay hindi na matutuloy ang napag-usapan subalit nag-respondnaman sila kinalaunan at dali-daling pinuntahan. Pagkatungo'y tanging si Mary Frincess lamang ang nadadatnan at wala pa si Kristel, hinintay pa namin ito. Dumating naman si Kristel kinalaunan at tumungo pa kami ng Ever Gotesco Mall para bumili ng ipapakain sa taong kakapanayamin.

9q-c. Napasubo tuloy ako sa gastusan nang wala sa oras dahil sa ambagan at pagkabili'y daglian ng tumungo sa kompanyang sinasabi ni Kristel. Pagkatungtong ay hindi kalakihan ang pinasukang kompanya na kung tawagin ay Riley Corporation at habang papalapit ang yapak sa opisina ng taong kakapanayamin, patindi nang patindi ang kabang nadarama. Pagkapasok ay kaagad na namin sinimulan ang Interview sa kanya't siya si Sir Ritchie Ceasar na may ari ng korporasyong aming kinatatayuan. Bago magtapos ang pakikipagpanayam sa kanya, pinayuhan niya pa kami tungkol sa trabaho't napakahalaga ng kanyang sinambit kaya itinatak sa isipan. Pagkatapos ay tumungo pa ko ng paaralan. Dakong Alas-dose nang makatungtong at agarang inasikaso ang report sa Literature.

9q-d. Maya-maya pa'y dumako na ko ng silid at saktong wala pang professor kaya mistulan muling palengke ang buong silid dahil magulo't maingay. Habang may kanya-kanyang pinagkakatuwaan ang mga kamag-aral, ako naman itong nakatunganga't walang makahuntahan subalit nagkakulay ang bawat sandali nang pansinin at kausapin ni Jed. Sadyang maloko ito't panay pa ang hirit at pambabara sa 'kin kaya di mapigilang makipaglokohan sa kanya't siya ang nag-alis ng aking pagkabagot. Tuwang-tuwa't nagniningning na sana ang mukha habang kabiruan sila Jed nang biglang matigil dahil sa pagpasok ni Sir Nebres. Hindi ko malaman kung bakit naiibigan ko ang bara-barahin niya ko't marahil ganoon talaga kapag nagkakagusto ka, kahit anong gawin niya'y iibigin mo pa rin. Sa oras ng Economics, class reporting pa rin.

9q-e. Habang hindi pa pumapasok si Ma'am Zabala, walang ginawa kundi ihanda ang sarili. Sa oras ng Literature, nagkaroon muna ng maikling pagsusulit bago ang aming pag-uulat at kahit lagagpak muli ang natamong marka, ang mahalaga'y hindi itlog. Pagkatapos ay sinimulan ko ng mag-ulat at lakas loob na nagsalita. Kahit dinudugo na ang ilong at hirap na hirap habang nagpapaliwanag gamit ang wikang English, pinilit pa ring magsalita. Matapos ang aming pag-uulat ay bilang tinawag ni Ma'am Zabala at nanlubag ang kalooban pagkat hindi akalaing magugustuhan niya ang paraan ng aking pag-uulat at klaro raw, walang mintis. Hindi ko alam kung paniniwalaan ba ang sinabi ni Ma'am lalo't uutal-utal ako subalit ang mahalaga'y nalampasan ito't nagpapasalamat ng lubos sa Maykapal. Pakiramdam ko ay parang nagtagumpay nang panahing iyon at may galak na umuwi ng bahay. Matapos manuod ng Telebisyon, kaagad din akong natulog. 

January 26, 2017
Thursday

Year V-026

9q-f. Tinatamad pang bumangon dahil sa namamayaning antok sa Mata't lamig na panahon subalit maaga na't kailangan ng awatin ang sarili sa kama. Naipit lamang ako sa napakabigat na trapiko kaya dakong Alas-siete y medya nang makatungtong ng paaralan. Saktong naroroon na ang karamihan sa kamag-aral maging si Sir Jigo at ang kapangkat na si Kim. Sa halip na magklase si Sir ay binigyan niya lamang kami ng oras para asikasuhin at tapusin ang ipinapagawang Thesis. Maya-maya pa'y nagpasa na kami ni Kim ng gawang Thesis. Masyado pang mahaba ang oras bago ang dismissal time kaya nakipagtsikahan muli kina Eloisa. Nakaramdam lamang ng pagkaimbyerna sa isa nilang kapangkat pagkat napakaarte't dami niyang dama sa buhay. Sa inis ay muntikan na itong sigawan subalit maigi na lang, napigilan ang sarili. Sa oras ng Humanities, nagkaroon muli kami ng Artwork activity at iyon ay gagawa ngSculpture sa pamamagitan muli ng Clay. Kahit mahirap at matrabaho pa, naaliw naman sa ginagawa habang hinuhulma't pinipilot ang Clay at naaalala ko ang aking pagkabata pagkat nung panahong iyon ay libangan ko ang laruin at landiin ang Clay.

9q-g. Maya-maya pa'y isa-isa na naming ipinatingin ang gawang Sculpture kay Sir Esguerra at inggit ako sa ibang kamag-aral pagkat mahusay silang gumawa't tila totoo. Sa halip na umuwi, tumungo pa ko ng Library at hinintay si Nadia. Ilang sandali pa ng dumating ito't palitan muli kami ng kuro-kuro habang magkasamang dalawa. Lalo pang lumigaya ang sandali nang dumating si Nikki at para kaming Sisterakas o Trinity Sisters habang magkakasama at hindi napapanis ang laway ko sa kanila. Ilang saglit pa, tumungo kami ng Canteen para kumain. Habang kumakain, tamang usap-usap lang kami ng kung ano-ano't sarap talaga nilang kakwentuhan, pampawi ng bagot.

9q-h. Napasarap ang pananatili sa Canteen kaya hindi namamalayang Alas-dose na't nagpaalam na sa kanila. Pagkauwi't dala ng pagod, diretso Siyesta ako. Pagkagising at dahil bagsak ang Wi-Fi sa bahay, tumungo ako ng Computer Shop. Madilim-dilim na nang makabalik sa bahay at sa gutom, paglamon na agad ang hinahangad. Kinagabihan, matapos manuod ng Telebisyon at bago matulog, pamamalantsa muna ang inatupag ko. Matutulog na sana ako nang sa di inaasaha'y biglang muling nanakit ang Ngipin at mapangiwi na sa tindi ng kirot nito. Magagawa ko na sana tiisin subalit nang hindi na makaya'y napilitan ng lulunin ang Mefenamic Acid. Saka lamang nakuha ang masarap na tulog nang maparam ang sakit.   


January 27, 2017
Friday
Year V-027

9q-i. Pagmulat ng mga Mata, Alas-singko na pala kaya agaran na kong bumangon at nag-almusal. Ganda na sana ng umaga ako nang biglang mabago dahil sa mga Tricycle driver at naimbyerna ako dahil akala kung sino makapamintas. Sa inis, ibig na silang patulan subalit hinayaan na lang at binalewala ang kanilang mga sinasabi pagkat hindi ibig na sumiklab ang away. Kaya hindi nila matamo ang kaunlaran dahil di kagandahan ang mga pag-uugali't nakakairita! May inis akong pumasok ng paaralan. Saktong wala pa si Sir Laus kaya namamayani muli ang kaingayan sa buong silid kahit kakaunti. Ilang sandali pa, may pumasok na isang practioner at may inanunsyon. Maya-maya pa'y nagkaroon muli kami ng pagsusulit at iyon ay Sack Complete Sentence Test at Hand Test. Naging interesting ang buhay habang sinasagutan ang Sack Complete Sentence Test pagkat dudugtungan mo ang mga nakalatag na pangungusap kung anong salita o pangungusap ang naisip mo. Panay ang hagikhikan namin ni Mara pagkat kung ano-ano ang idinudugtong at minsan ay mga hugot.

9q-j. Pagdating sa Hand Test, medyo nahirapan ako sapagkat aalamin mo kung anong meaning sa'yo ng mga gesture ng kamay. Nanghula-hula na lamang ako ng sa gano'y may maisagot. Sumapit na ang Alas-onse't malapit na angdismissal time subalit wala pa si Sir Laus. Mukhang malabo na itong papasok kaya umalis na ko. Pinuntahan ko pa si Nadia sa Library at tsikahan muli kami. Napasarap ang kwentuhan namin kaya hindi namamalayang Alas-dose na't kailangan munang magpaalam sa kanya. Saktong nagti-check pa lamang ng Class attendance si Sir Juangco pagkatungtong ng silid. Sa halip na magkaroon ng Class reporting at dahil wala ang mga magsisipag-ulat, nagturo si Sir Juangco. Tawa kami nang tawa habang ito ay nagtuturo pagkat nilalahukan ng katatawanan at nakakatanggal ng antok. Kahit kakikitaang seryoso't halatang hindi kengkoy si Sir Juangco sa unang tingin, ang galing nito magpatawa.

9q-k. Bukod sa pinasaya niya ang oras namin, madami rin natutuhan sa kanyang mahahalagang bagay na maaring makatulong sa amin, sana'y magingprofessor pa itong muli. Ilang sandali pa'y dismissal time na't sa halip na diretso uwi, binalikan ko pa si Nadia. Sa gutom, daglian na kaming kumain. Dakong Alas-dos nang mapagpasyahang umuwi't pagkatungtong ng tahanan, panibagong pagkaimbyerna muli ang kinakaharap dahil sa kapatid kong pasaway at napakakulit nito. Tuluyan ng naupos ang pasensiya sa kanya kaya nagawa ng sigawan at muntikan na ngang pagbuhatan ng kamay. Sa pagod ay diretso tulog ako. Kinagabihan, dama muli ang malamig na panahon kaya halos mamaluktot na sa ginaw. Hindi baleng ganito kalamig na minsan ay ikakangatog mo kaysa naman sa maalinsangang ikapawis na ng husto.             


January 28, 2017
Saturday
Year V-028

9q-l. Chinese New Year at dahil dekleradong Holiday ngayong araw, walang pasok at may panahon para makapagpahinga. Tuluyan ng nagapi ang gabi't naghahari na ang liwanag sa labas subalit hindi kaagad makabangon dala ng malamig na panahog. Sa lamig ng panahon, may lumalabas na ngang hamog kapag nagsasalita o humihinga. Malapit ng sumapit ang Alas-otso nang mapagpasyahang bumangon. Pagkaalmusal at dahil walang ibang pinagkakaabalahan, pagbabantay sa tindahan ang inatupag ko. Manakanaka lamang ang bumibili kaya bagot pa rin ako't nakatulala sa kawalan. Maya-maya pa'y itinigil ko na ang pagtitinda para mananghalian. Kinahapunan, naisipan ko muling maglakwatsa. Sa bahay nina Ate Bing ako nagtungo subalit wala ang mga ito. Hindi pa ibig ang umuwi kaya kina Shiela naman tumungo. Saktong kagigising lamang ito't mukhang naabala ang kanilang Siyesta. Inggit lamang kay Shiela dahil sa mura nitong edad at hindi nalalayo sa edad ko, nakakaya na nitong gampanan ang responsibilidad tulad ng mga magulang at talagangmature na ito mag-isip subalit hindi ko hinihiling na magkaanak sa ngayon sapagkat may tamang panahon para diyan.

9q-m. Kung hindi man pagkakalooban ng maykapal, tatanggapin ng buo sa kalooban. Balak ko pa sanang tumungo maging kina Angelica subalit tatlo lamang kami't walang maasahan si Mama para tumulong sa kanya. Wala pang nalulutong ulam pagkat abala si Mama sa aming negosyo kaya ako na ang nagluto ng aming hapunan. Kinagabihan, ikinahiwa ng dibdib ko habang pinapanood ang tampok na kwento sa Maala-ala mo kaya pagkat tungkol iyon sa isang lalaki na nagngangalang Jeck na dahil sa pag-iwan sa kanya ng mga magulang nito para magtrabaho sa ibang bansa, natuto ito sa masamang gawain tulad ng paggamit ng Droga hanggang sa tuluyang masira ang pagtingin sa kanya ng pamilya nito at mapariwara pa. 

9q-n. Sa huli, gaanoman sa kahirap sa kanya ay sinubukan nitong magbago't tulungan ang sarili hanggang sa makawala ito sa pagiging Drug Addict. May aral muli akong napulot sa kwento ni Jeck at iyon ay patunay nga na walang magandang idudulot sa'yo ang paggamit ng Illegal drugs kundi sirain ang relasyon mo sa pamilya maging ang iyong katinuan at dapat iyon iwasan. Kaya sang-ayon ako sa kampanya ng ating Pangulong Duterte na sugpuin ang Droga sa bansa nang sa gano'y maiahon tayo mula sa masalimuot na buhay dulot nito at hindi na lumala pa ang krimen, iyon nga lang ang di ako sang-ayon ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga napapatay dahil sa kampanya laban sa Droga at umiiral na Extrajudicial Killings pagkat maging mga inosente ay nadadamay at napapatay. Kung ako ang tatanungin, hindi solusyon ang pagpatay sa mga gumagamit ng Droga kundi isa iyong sakit na kailangang gamutin.        


January 29, 2017
Sunday
Year V-029

9q-o. Araw muli ng Linggo at inabutan nanaman ng pagsikat ng araw sa aking paggising. Pagbabantay muli sa tindahan ang aking inatupag ngayong umaga. Di gaya kahapon, naging malakas ang bentahan kaya palit-panog ako't tila nagkakasunod-sunod ang bumibili. Matapos ang pagtitinda, gawaing bahay naman ang inatupag. Maya-maya't dahil wala ng mainom na matinong tubig, inutusan ako ni Mama na bumili ng Mineral Water. Labag man sa kalooban na buhatin ang napakabigat na galong naglalaman ng Mineral Water pagkat matinding pagkahapo ang kakahinatna'y ginawa pa rin at tila pasan-pasan ang daigdig habang naglalakad buhat ang Mineral Water.  Tila nalampasan ko ang kalbaryo nang makarating sa bahay at mailagay ang Mineral Water sa lababo't napagod ako ng labis subalit ayos lamang kung nababanat naman ang buto.

9q-p.  Maya-maya pa't dala ng gutom ay nananghalian na ko. Kinahapunan at pagkagising galing Siyesta, naisipan kong magtungo ng Computer shop. Dakong Alas-singko nang makauwi't saktong naroroon na si Papa galling Batangas at may dala itong samu't saring pasalubong kaya napalantak muli ako. Sa dami ng kinain, halos di na maghahapunan pa. Kinagabihan at matapos manuod ng Telebisyon, matutulog na sana kami ng biglang sinumpong si Kuya Al ng pagka-hyper at di ito papigil. Talagang nagwawala't sigaw ito at hindi na alam ang gagawin kung paano ito mapapakalma kaya dumating na sa puntong napagbubuhatan ng kamay. Hindi namin mawari kung ano ang dahilan ng kanyang pang-gigigil. Sa totoo lamang hirap din magkaroon ng kamag-anak na may kapansanan sa pag-iisip at dito masusubukan ang 'yong pasensiya. Medyo natagalan pa bago ito kumalma.      


January 30, 2017
Monday
Year V-030

9q-q. Ngayong araw ang patimpalak ng iba't ibang naggagandahang mga dilag na galing sa iba't ibang bansa na pinakaaabangan ng halos lahat sa atin, ang Miss Universe 2016 na dito pa mismo sa ating bansa gaganapin kaya ibang-iba ang nararanasang sabik at palaisipan kung sino ang susunod na mag-uuwi ng korona. Sayang lamang at hindi ko masusubaybayan ang pageant pagkat hindi deklaradong holiday ni Duterte at may pasok ngayong araw. Dakong Alas-siete y medya na ako nakatungtong ng paaralan subalit wala pa si Ma'am Burabo at mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadadatnan. Lumabas muna ako't nakipagtsikahan kina Rafa. Maraming minuto ang lumilipas, hindi pa dumarating si Ma'am Burabo at unti-unti nang nagsisialisan ang mga kamag-aral, napagpasyahan na ring umalis. Pagpatak ng Alas-otso at dahil ngayong oras ang Telecast ng Miss Universe, naisipan ko munang mag-livestream sa pamamagitan ng Internet.

9q-r. Biglang sumipa ang tuwa sa dibdib nang mapabilang sa Top 13 si Miss Philippines. Sa tuwa, ibig kong lumundag at sumigaw subalit ayaw ko munang magpakakampanteng mananalo ang pambato natin. Balak ko sanang ipagpatuloy ang panonood subalit may klase pa ko. Saktong naroroon na si Ma'am Eloisa pagkapasok ng silid. Pagkatingin sabag, natuklasang nawawala ang Cellphone ko, nakaramdam bigla ng pagkabalisa't dali-daling hinanap. Tumungo ako Computer shop, nagbabakasaling naiwan doon. Parang nabunutan ng tinik nang mapasakamay muli ang Cellphone. Kailangan ko na talaga mag-ingat nang sa gano'y hindi na mawalan pa't iiwasan na ang pagiging burara.

9q-s. Maya-maya pa'y dismissal timena't naisipang huwag ng daluhan ang laboratory time ng General Botany pagkat tinatamad ako, ipinagpatuloy kong antabayanan ang Telecast ng Miss Universe at lalo pang nadagdagdagan ang tuwa nang makapasok si Miss Philippines sa Top 9 maging sa Top 6 subalit hindi na pinalad pang makatungtong ng Top 3 hanggang sa may hiranging panalo at iyon ay si Miss France. Hindi man nasungkit ng ating pambato ang korona sa muling pagkakataon ay pakiwaring nanalo pa rin sapagkat nakaabot ito hanggang Top 6. Ilang sandali pa'y lumabas na ko't hinanap sila Phane. Ibig na ng isip na umuwi pagkat tinatamad na subalit nanaig pa rin ang prinsipyo at sa kagustuhang makita siya, pumasok pa rin kami sa klase ng Economics. Medyo nakakabagot ang klase't kakaantok pa magsalita si Sir Nebres kaya naisipan namin ni Phane na lumabas. Tumambay kami ng silid na kung saan walang nagklaklase't habang kasama sina Phane at Tricia ay nakadama ng hilakbot sa dibdib pagkat puro kababalaghan ang laman ng usapan naming.

9q-t. Pamaya't maya ang labas at silip namin ni Phane para malaman kung nag-a-attendance ba si Sir at pagkapasok ay kinilabutan ang dibdib nang sigawan at sitahin ni Sir Nebres pagkat napansin niyang kanina pa ko wala. Maigi na lamang, hindi ako pinahiya kundi sinabon at madiin nitong sinabi na nakatatak na raw ako sa kanyang isipan. Ako lamang talaga ang napansin samantalang karamihan sa kamag-aral ay mas pinipiling manatili sa labas sa tuwing klase niya, marahil ay favorite niya ko. Sa oras naman ng Literature, class reporting muli. Pagpatak ng Alas-sais, uwian na't napalantak muli ng pagkarami-rami pagkatungtong ng bahay sabay manunuod ng paboritong programa sa telebisyon.                  


January 31, 2017
Tuesday
Year V-031

9q-u. Malalagas nanaman ang isang pahina ng kalendaryo sapagkat huling araw na para sa buwang ito. Dakong Alas-siete y medya nang makatungtong sa Unibersidad at mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadadatnan at wala pa si Sir Laus. Pumatak na ang Alas-otso subalit hindi pa dumarating si Sir, gawa na nababagot ay nakipagkwentuhan na lamang kay Pamela. Bukas ang kanyang teynga habang nagsasalita kaya naparami ang naikwento sa kanya't maligaya na rin sapagkat kahit papaano'y may mga taong handa akong pakinggan kahit sa sariling may diperensya sa paraan ng pagsasalita. Habang kasarapan ng pag-uusap namin ni Pamela ang biglang pagpasok ni Sir Laus at kita sa mukha nito ang pagkapagal. May bagay pala siyang ikinagagalit at iyon ay hindi nagamit ng maayos ang pondong ipinagkatiwala niya sa mga officer ng Psychology Department.

9q-v. Sa galit ay muntikan ng maging tigre si Sir at maigi na lamang, hindi ako kabilang sa mga officer dahil kung nagkataon ay pananagutan ko pa kung sakaling magkaaberya. May mahalaga pang inanunsyo sa amin si Sir Laus at ang kaninang mukha niyang namamait, ngumigiti na't nagagawa ng magpakwela. Kaagad din itong umalis matapos mag-anunsyo't sinamantala namin ang oras para kumain. Pagkabalik at sa buong oras ng Psychological Testing ay wala kaming ibang ginawa kundi gawin ang ibig. Maya-maya pa'y dismissal time na't sa oras ng Industrial Psychology, class reporting pa rin. Medyo nakakabato kaya hindi mapigilang antukin at mapaidlip. Nagising lamang ako nang tawagin ng nag-uulat. Sa halip na umuwi'y pinuntahan ko pa si Nadia sa may library.

9q-w.  Ibig na sanang umuwi, kaso nag-aya ang kanyang kasama na si Mary Anne na magtungo sa SM. Labag man sa kalooban ko, pumayag pa rin. Naiirita lamang ako sa kanya, paano'y napakapilit at ibig pa niyang manuod kami ng Sine, samantalang wala akong pera. Kahit ililibre nila ako't panay ang pamimilit, nanindigan pa ring hindi manunuod ng sine. Isa pa sa taong pinakaaayaw ay yung mapilit at naiinis ako kapag pinipilit! Hindi rin natuloy ang balak na manuod ng sine't libot-libot na lamang kami. Maya-maya pa'y nagpaalam na ko sa kanila. Bago umuwi, nagkumpyuter muna ako. Madilim-dilim na halos nang makarating ng bahay. Magkakaroon pa kami ng Seminar bukas kaya maaga akong natulog subalit hindi makuha ang masarap na tulog dahil ang ingay ng mga kabataan, kahit Alas-dyis na't tila hindi natitinag sa Curfew.