Linggo, Disyembre 31, 2017

60. December 2017 Journal (Day 1796-1826)

December 01, 2017
Friday
Year V-335
11B-P. Hindi akalaing nasa huling buwan na tayo ng taon at kasabay ng pagpasok ng buwang ito ay kabi-kabila na ang paghahanda para sa nalalapit na Pasko. Nakakatuwang isipin na dadako nanaman pala tayo sa panibagong taon, panibagong yugto muli ng buhay ang kakaharapin. Dahil pumasok na ang December, may kalamigan na rin ang panahon na siyang nagpahirap sa aking pagbangon. Medyo pupungas-pungas pa ng lagay subalit sinubukan pa ring kumilos ng masigasig at mabilis. Bandang Alas-siete nang makadaong ang nagkikinisang yapak sa Guidance Office. Saktong naroroon na si Ma'am Paula na mukhang kanina pa naghihintay. Pagkalapag ng gamit, sinimulan ko na ang pagti-check. Maya-maya pa, may ipinagawa sa amin si Ma'am, lakas ng loob muli ang kakailanganin pagkat papasukin ang kada classroom para magsagawa ng Examination. Kahit paano'y nasasanay na rin ako't hindi na gaya ng dati ang nararanasang kaba.

11B-Q. Bukod pa doon ay unti-unti nang natutuo kung paano ang mag-administer at magsuway ng mga makukulit na estudyante, pakiwaring isa nang professor at sana dumating sa akin ang ganong pagkakataon. Matapos magbigay ng pagsusulit sa mga estudyanteng nabibilang sa iba't ibang kurso, balik sa dating gawain na pagti-check. Ilang sandali pa, sa wakas ay breaktime na rin at diretso tungo sa library matapos mananghalian. Sa lamig at preskong pakiramdam, hindi na naiwasan ang maidlip. Dala na napasarap, hindi namamalayang Ala-una na pala't kailangan nang bumalik sa Guidance Office. Tinatamad man at bagsak pa ang mga mata sa antok, ipinagpatuloy pa rin ang pagti-check, matapos lang. Bukod sa pagti-check ay pinag-tally din kami ng mga Student Chat Program at nakakaduling sa dami ng Information na kailangang ilagay sa Data Sheet.

11B-R.Habang aligaga na hindi na magkandaugaga, biglang tinawag ni Ma'am Paula. May pinapasama pala ito sa akin na isang estudyante na may kasama pang nanay sa Guidance Office ni Sir Jansen doon sa kabilang gusali. Habang sinasamahan, nagliyab ang dibdib sa ikinuwento ng estudyante sa akin at grabe naman pala ang pambu-bully na ginagawa sa kanya. Ibig ko sanang payuhan ito pagkat halata na sa kanyang mukha ang pagka-depress, kaso si Sir Jansen na ang bahala. Alam ko naman ang dahilan ng mga taong nambu-bully, marahil ay may personal problem, family problem o may kinaiingitan subalit hindi maunawaan kung bakit kailangan pang manghamak ng kapwa, hindi naman makakatulong sa pinagdaraanan nila, bagkus ay nakakalala pa't nagsisilang ng gulo.

11B-S. Halos mangiyak-ngiyak na ang estudyante habang naglalahad ito sa akin at nauunawaan ang pinagdaraanan niya sapagkat dumaan din ako diyan at biktima ng Bullying na sa aking pagkakatanda ay naranasan nung Elementary hanggang High School. Inaamin ko na nambu-bully rin dati sa kapwa, kamag-aral subalit mas madalas na ako ang nabu-bully at masahol pa. Pagpatak ng Alas-kwatro, sa wakas ay dismissal time na. Lubhang napakatrapik sa lansangan na halos wala nang galawan ang sasakyan at ikarita na rin kaya saktong naghihingalo na ang liwanag nang makarating sa bahay. Kinagabihan, heto muli nagpapakaadik sa paglalaro ng Games sa Cellphone, sa sobrang pagkahumaling, Alas-dyis na pala't kailangan nang matulog.  

31 24 Twenty-four days to go before we celebrating the birth of Christ.


December 02, 2017
Saturday
Year V-336

11B-T. Sabado nanaman pala subalit nanatiling may pasok para sa Internship. Bandang Alas-otso na ko nakatungtong sa Guidance Office at sakto wala pa si Ma'am Paula maging si Deby. Dahil may ipinag-uutos sa akin si Ma'am, pagkarating ni Deby ay kaagad nang tumungo sa OLFU-Lagro upang kumuha ng panibagong testing materials. Nanghinayang ako nang sabihin ni Ma'am Anna Marie na hindi pa raw available kundi sa Lunes pa, nasayang lamang ang pagparoon ko. Wala pang balak bumalik kaya pinuntahan ko pa si Nikki sa Admission office at nakipagkwentuhan. Pagkabalik ng OLFU-Regaldo, nanatiling wala si Ma'am Paula subalit ilang saglit pa nang dumating ito. Walang ibang ginawa kundi maging abala sa pagti-check ng sangkatutak na test paper na sa dami'y hindi na matapos-tapos at nakakaurat. Pagsapit ng Alas-dose, nagpaalam na ko kina Ma'am Paula. Napakatrapik sa Regalado Highway na halos wala nang galawan bunsod ng itinatayong MRT 7 kaya sa halip na sumakay, naglakad na lamang ako patungong SM, kahit may kainitan ang panahon. Pagpawisan ng todo't parang nilukuban ng lakas pagkarating doon. Kaagad akong tumungo ng Cyberzone upang ipalagyan ng turnilyo ang Laptop.

11B-U. Nasuya lamang ako sa Technician pagkat sa halip na diretso na niyang lagyan ng turnilyo ang laptop, kung ano-ano pang sinabi na dapat gawin para tuluyan nang maayos ang laptop. Sumang-ayon naman ako na ipaayos na subalit nang malamang makabutas bulsa ang singil, umayaw na ko't nakiusap na ipalagyan na lamang ng turnilyo subalit hindi ito pumayag. Sa mga ginagawa nito, parang ipinagpipilitan na ipaayos ko na ang Laptop, para lang kumita siya. Ganon naman sa karamahin ng mga Computer Technician, aayusin ang nasira sa gadget mo subalit hindi totally ayos para masira ulit dahil kapag nangyari iyon, siyempre babalik ka sa kanya't paniguradong kikita ulit ito! Mga taktika nga naman nila, marakadong-markado ko na. Sa Ever Gotesco Mall ko na naisipang ipalagyan ng turnilyo ang laptop. Mabilis pa sa guhit ng kidlat ang pagpayag ng Technician at wala pang bayad subalit nang mailagay, hindi pa rin gumagana ang laptop, doon lamang ako nakapagpasya na ipaayos na kahit maglalabas ng pera.

11B-V. Kulang-kulang isang libo ang singil sa akin ng Technician subalit nang tumawad, kalahating libo na lamang at napakabait niya. Iniwan ko muna ang laptop sa kanya't dali-daling umuwi para kumuha ng pambayad. Pagkabalik, saktong inaayos na nito ang laptop ko't nagre-reformat. Mukhang matatagalan pa at para hindi mabagot sa kakahintay, nagtungo muna sa Activity Center para manuod ng Contest. Iba't ibang mga kalahok na magkakagrupo ang nagtanghal at nagpakitang gilas sa entablado't bawat sa kanila'y may mga pasabog kaya hiyawan at tuwang-tuwa kaming mga manunuod. Lalo pang umingay nang mag-perform ang grupo ng mga LGBT at buwis buhay ang ipinakita nilang stunts, tapos napakakulay ng kanilang costume maging props at nakakahalina. Sa lahat ng mga kalahok, sa kanila ako lubos na na-impress at ang lakas ng impact. Bandang Alas-singko nang makapag-perform lahat ng performer at pagkabalik, hindi pa rin tapos ayusin ang Laptop. Dahil inabot na ng gabi, sa mall na ko naghapunan.

11B-W. Bandang Alas-siete nang sa wakas, matatapos din ang napakatagal na paghihintay pagkat ayos na ang laptop. Pagkauwi't itong si Ate, panay sermon sa akin na akala siya ang nanay ko, naiirita na ko sa kanya subalit hindi na lamang inunawa ang mga sinasabi nito't maayos pa ring nakitungo sa kanya pero nang utusan na akala siya ang aking boss, doon na nagliyab ang dibdib at hindi na mapigilang pagsalitaan ito. Ilang linggo na ko nagtitimpi sa pagtataray nito sa akin sa tuwing may inuutos o kakausapin, hindi lang ako umiimik kahit nayayamot, pero ngayon ay sumosobra na! Ang sagutan naming dalawa, nauwi na sa sigawan at palitan ng malulutong na mura hanggang sa muntikan nang magbuhatan ng kamay. Bukod sa namamayani ang galit sa dibdib, nasaktan ako nang kampihan ni Mama si Ate, lalo pang nagliyab, ni nagawa nang maging bayolente at anumang gamit ang makakapa, pinaghahagis. Pakiramdam ko nang gabing iyon, hindi ako mahal ni Mama at sa tindi ng namamayaning galit, para nang halimaw na nagwawala't sigaw.

11B-X. Maya-maya pa at dahil patuloy na nag-uumapaw ang aking galit, biglang nanikip ang dibdib ko. Bukod pa dun ay bumibilis ang tibok ng puso at parang kinukuryente sa galit ang buong katawan, nanginginig din ang bawat daliri dala na parang kinukuryente. Lingid sa kaalaman ko kung bakit iyon nararanasan at hirap ipaliwanang. Kahit na parang nagpa-palpitate na ko, hindi ako inalintana ni Mama kaya lalo pang nasaktan ang loob at sumidhi ang emosyon. Nang hindi na makakilos at tayo dahil sa labis na ang Palpitation ko't para na ring sinasaniban, sa takot na may mangyaring masama o matigok, pinigilan ko ang emosyon. Unti-unti namang nawawala ang kuryente na parang dumadaloy sa buong katawan nang pahupain ang loob at bumabalik sa dati ang paghinga. Humupa naman ang hidwaan namin ni Ate subalit nanatili pa ring masama ang loob dahil sa ginawa ni Mama, itinulog ko na lamang.  

30 23 Twenty-three days to go before we celebrating the birth of Christ.

December 03, 2017
Sunday
Year V-337

11B-Y. Gumising ako na napakabigat ng kalooban pagkat hanggang sa araw na ito'y di pa rin nawawala ang sugat na likha ng alitan namin kagabi at nakadagdag pa ang ginawa ni Mama, parang pinaramdam sa akin na balewala ako sa kanya at walang kwentang nilalang. Sa tindi ng sama ng loob, napaiyak na lamang. Habang humihikbi'y hinimas-himas ang alagang pusa, para doon man lamang ay maibuhos ang sakit na dala-dala ng dibdib. Hindi ko mawari kung bakit ganyan sila sa akin, parang ipinapalabas na masamang anak o kapatid. Maya-maya at dahil masyado kong dinibdib ang mga nangyari kagabi't sinabi nina ate at mama na masasakit, muli akong nakaramdam na parang kinukuryente ang buong katawan at pabilis nang pabilis ang tibok ng puso. Marahil ay tinamaan muli ng Palpitation at sa takot na lumala kapag nagtuloy-tuloy, pinigilan muli ang emosyon.

11B-Z. Buong umaga, walang ginawa kundi mahiga na animo'y may pisikal na karamdaman kahit Psychological, sa tindi ng lungkot at sakit, parang ibig nang magpatiwakal subalit hindi maaari pagkat may pangarap pa sa buhay at excited sa magiging kinabukasan. Saka lamang ako nahimasmasan at natauhan pagdaan ng tanghali, napagtanto na hindi ko dapat hayaan na lamunin ang sarili ng kalungkutan at pagkamuhi dahil sa huli ay ako rin ang talo't masasawi. Bukod pa roon ay hindi dapat sayangin ang buhay sa isang hindi kanais-nais na bagay gaya na nagkaroon ng alitan sa pagitan namin magkapatid. Marahil at ang dapat kong gawin ay palawigin at palalimin ang pag-unawa, mahirap man at labag pa sa kalooban nang makawala na sa sakit na nakagapos sa buong pagkatao. Pagsubok lamang ito na aking kinakaharap na kinalaunan ay malalampasan kaya kailangan magpakatatag at huwag hayaang sakupin ng depresyon. Saka lamang ako bumangon nang gumaan-gaan ang loob at kumain. Ayos na sana ang loob ko, bumalik sa pagkamuhi nang madiskubreng nasa basurahan ang Diploma nung aking Graduation.

11C-A. Ikinainsulto ko ang ginawa sa Diploma na hindi malaman kung sino ang responsable't salarin kaya muling nag-alburoto ang dibdib at nakapagbitaw ng hindi magagandang salita. Sinubukan kong pahupain ang loob at napahupa naman. Batid kong marami nang nagawang kasalanan lalo na kagabi na sagad-sagarad pagkat muntikan nang mapatay ang kapatid sa sama ng loob kaya naisipang magsimba upang humingi ng tawad sa panginoon. Sa tindi ng napag-awayan namin, Diyos na ang bahala sa akin at sana kayanin ng loob na magpatawad. Lalo pang gumaan ang loob matapos magsimba at sana ganito palagi, pakiwaring nakabangon na mula sa sugat na tinamo. Tumungo pa ko sa Ever Gotesco Mall upang bumili ng Frame na para sa Diploma. Pagkatapos at dahil wala pang balak umuwi, naisipan pang magkumpyuter. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi.   

29 22 Twenty-two days to go before we celebrating the birth of Christ.

December 04, 2017
Monday

Year V-338

11C-B. Hindi man naging maganda ang nangyari sa akin nitong mga huling araw gaya ng pagkahimatay at nag-away pa kami ng ate, heto at nanatili pa ring buhay at nakatindig at patunay na sa kabila ng kinakaharap na pagsubok o problema, kakayanin basta nandiyan ang Panginoon na tumutulong sa'yo, manalig ka lang. Napakadalisay ng umaga ko't parang nasa alapaap ang kalooban subalit biglang nagbago nang madiskubreng tinotohanan ng ate ang pagkuha sa Laptop ko. Alam ko naman na pera niya ang ginamit sa pambili ng Laptop, subalit hindi nangangahulugan na pagmamay-ari nto. Muling nagliyab ang dibdib kaya hindi mapigilan ang sariling magbitaw ng masasakit at hindi kagandahang salita. Sobrang pinapainit nito ang ulo ko't nakakapagpuyos ng damdamin ang kanyang ginawa. Nagpatuloy ako sa pagkuda na akala mo'y nireregla o High Blood sa galit. Kinalaunan, biglang nagsisi sa mga nasambit nang ilabas ni Mama ang laptop at kainis siya, hindi pa kaagad ipinakita nang hindi na umabot sa ganito na maba-badtrip pa ko't muntikan nanaman makaramdam ng pangunguryente sa katawan.

11C-C. Nalipat kay Mama ang pagkabanas ko't sising-sisi sa mga nasabi kay ate. Pumasok akong nababalutan ng pagkayamot ang dibdib dahil sa ginawa ni Mama subalit sinubukang pahupain ang nararamdaman at relax. Wala kaming ibang ginawa ni Deby kundi magtsek ng sangkatutak na test paper at magtawag ng estudyanteng isasailalim sa examination. Habang aligaga sa pagti-check ay biglang umalingawngaw ang tinig mula sa labas ng Guidance Office, pamilyar ito sa akin, mataas at malaki-laki at kausap ni Ma'am Paula. Iyon pala, si Sir Laus at gulat na lamang nang bigla itong pumasok at tawagin ako. Sa lakas ng pagkakatawag na madiin-diin, parang nayanig ang dibdib ko. Nakipagkamusta ito sa akin at biruan pa nga. Hindi rin nagtagal si Sir Laus at nakaka-goodvibes ang mga sinabi nito sa akin kahit stress na sa ginagawa.

11C-D. Maya-maya pa, kailangan muling lakasan ang loob pagkat may klase muling papasukan upang magsagawa ng examination. Educator Students ang ibinigay sa akin ni Ma'am Paula at dahil unang beses lamang humarap sa ganong kurso sa mga nakalipas na araw na nagpapa-exam, muling tinadyakan sa kaba ang dibdib at nahihiya subalit buong loob silang hinarap at nagpakilala. Saka lamang nakahinga ng maluwag matapos magsagawa ng Psychological Examination. Saktong breaktime na't dala na naghihigpit ng sinturon sa kagustuhang lumago ang ipon, Shake lamang ang naging pananghalian. Bandang Ala-una nang bumalik ako sa Guidance Office at abala muli sa pagti-check at pagta-tally ng mga student chat program. Habang abala sa ginagawa, biglang umingay ang kaninang mataimtim na Guidance Office nang dumating ang mga estudyante na ka-close diumano ni Ma'am Paula.

11C-E. Panay ang hagalpakan na tila ito na ang huling araw nila sa mundo at panay pa ang harutan sa isa't isa, di na nahiya kay Ma'am. Walang ginawa kundi pagtiyagaan ang ingay nila. Isang oras na ang nakakaraan, hindi pa umaalis ang mga maiingay na estudyante't dala na naririndi na, lumabas muna ako. Tumungo ako sa Clinic kay Ma'am Ailene upang magpa-blood pressure. Laking gulat at hindi makapaniwala pagkat sa kabila na ayos ang pakiramdam ko't hindi naman nahihilo, mataas pa rin ang dugo ko. Hindi akalain na sa ganitong edad pa lamang na bata pa kung iisipin, High Blood na. Tinanong ko na rin kay Ma'am patungkol sa naranasan ko nung gabing nagalit ng sobra na hindi maipaliwanag. Hyperventilation Syndrome daw ang naranasan ko sabi Ma'am Ailene na kung saan ay bumibilis ang pagtibok ng puso't sumisikip ang dibdib dulot ng takot o matinding emosyon gaya ng pagkagalit. Bukod pa roon ay maari rin manigas ang katawan. Pasalamat na lamang ako't hindi nagtuloy ang Hyperventilation pagkat maari raw mauwi sa Stroke o pagkamatay.

11C-F. Balak ko sanang manatili muna sa Clinic pagkat maingay sa Guidance subalit baka umalis na ang mga estudyante. Pagkabalik ko, naroroon pa rin sila't non-stop sa tawanan ng pagkalakas-lakas. Natagalan pa bago sila umalis at saka lamang nanumbalik sa katahimikan ang buong Guidance Office. Pagpatak ng Alas-kwatro, sa wakas ay Dismissal time na. Maaga pa't mainit din ang loob sa bahay kaya nagkumpyuter muna ako. Dahil nasarapan, inabot na ko ng gabi sa pag-uwi. Sa aking pag-uwi'y muling nakatikim ng sermon ngunit hindi kay ina kundi mula kay ama. Kahit nasasaktan sa mga sinasabi nito, hindi na lamang inintindi't baka mapasama pa.     

28 21 Twenty-one days to go before we celebrating the birth of Christ.


December 05, 2017
Tuesday
Year V-339

11C-G. Bandang Alas-siete na ko nagising at kahit alam na mahuhuli na, pumasok pa rin ako. May ipinag-utos sa akin si Ma'am Paula kaya tumungo muna sa OLFU-Regalado upang mag-surrender ng mga confiscated ID sa Discipline office. Pagka-surrender ng mga ID, hindi pa umalis pagkat pinapakuha sa akin ang mga Test Paper na dadalhin sa Regalado. Sa dami, nag-aalangan akong kuhain at kailangan ng makakatulong subalit kakayanin naman basta magtiyaga. Napakarami talaga't magkanda-hingal hingal ako habang inaangkat patungong Regalado ang napakakapal na bulto ng test papers. Saka lamang nakapagpahinga nang makatungtong sa OLFU-Regalado. Pagti-check muli ng sangkatutak na Test papers ang napagkaabalahan at ilang sandali pa, pumasok nanaman sa bawat silid na itinalaga upang magsagawa ng Psychological Examination. Saktong lunch break na matapos na magsagawa ng examination at sa araw-araw na ginagawa ito, nasasanay na't tumataas ang kumpyansa sa sarili sa tuwing haharap sa mga estudyante na kabilang sa iba't ibang kurso.

11C-H. Makalipas ang isang oras na Lunch Break, balik muli sa gawain, ang mag-check at magpa-test ng mga estudyante. Walang ginawa sa buong maghapon kundi iyon lamang. Natutuwa naman ako sa mga estudyante dahil napaka-hospitable ng karamihan sa kanila. Iyon nga lang, nairita ako sa isang estudyanteng bakla pagkat maingay ito't hindi nauubusan ng tsika sa katabi, ni hindi nga ito nakikinig habang nagbibigay ng tagubilin at panay ang daldal. Sa irita, ibig itong sawayin kaso baka ako pa ang lumabas na masama. Tumigil naman ito nang makaramdam na naiirita na ko. May ilang klase pa kaming pinasukan upang magsagawa ng Psychological Exam at pagpatak ng Alas-kwatro, sa wakas ay dismissal time na rin. Umuwing magaan ang kalooban pagkat nairaos nanaman ang araw na ito kahit nakakapagod at hingal ang pinapagawa.       
 
27 20 Twenty days to go before we celebrating the birth of Christ.


December 06, 2017
Wednesday

Year V-340

11C-I. Inagahan ko sa paggising sa takot na mahuli muli sa pagpasok. Kahit anong aga sa aking pag-alis, mukhang mahuhuli pa rin dahil sa lintik na trapik na 'yan. Sa OLFU-Lagro sana ako didiretso subalit gawa na napaka-trapik na talaga, napagpasyahang dumaan muna sa OLFU-Regalado para lamang mag-log-in. Ni nilakad ko na nga pagkat tila dinaig pa ang pagong sa bagal ng mga sasakyan at wala na halos galawan kaya ang resulta, pagurang nakarating doon. Nang makapag-log-in, dumeretso na ko sa main para mag-surrender muli ng mga nakumpiska na ID. Nang maibigay sa Discipline Office, tumungo pa ng Library at nanatili muna roon para makapag-isip-isip. Ilang sandali pa, umalis na ko. Hindi inasahan na ganun ka-trapik pa rin sa mga lansangan kahit lumipas na ang rush hour bunsod ng itinatayong MRT 7 at ikaiinip mo nang husto sa tagal.

11C-J. Sa sobrang trapik, kahit malapit lamang ang main patungo sa annex, umabot pa rin ng isang oras bago makabalik doon at nakaka-hassle dahil bukod sa trapik, malapugon pa ang init ng panahon. Walang ginawa kundi magtsek ng mga Test Paper at magtawag ng mga estudyanteng isasailalim sa examination. Dahil kanina pa akyat-baba para lang magtawag, napagod ako subalit kaya pa naman hangga't may nalalabing lakas at kailangang magtiyaga. Nag-half day lamang ako para magkaroon ng panahong ipaayos muli ang naglolokong Laptop. Bago mag-log-out, pinapunta muli ako ni Ma'am Paula sa main upang mag-surrender muli ng ID sa Discipline Office. Sa dalas na pinapagawa sa akin iyon ni Ma'am, tila ang tungkulin ko'y tagahatid ng mga nakumpiskang ID mula Regalado hanggang Lagro.

11C-K. Pagka-surrender ng mga sangkatutak na ID dahil sa maraming pasaway na estudyante, pinuntahan ko pa si Nikki sa Admission Office. Lubhang abala ito kaya hindi rin gaano makausap ng maayos at dahil mukhang nakakaabala na sa kanya, hindi na rin nagtagal pa. Tumungo pa ko ng Ever Gotesco Mall upang ipaayos ang Laptop at nang ipatingnan sa Technician, laking pahiya ko pagkat gumagana naman. Nahihiya man pagkat ang inakalang sira muli, ayos naman, natutuwa dahil gumagana na ang laptop at hindi na kailangan pang muling maglabas ng pera. Sa pagod ko, pagkauwi ng bahay ay kaagad na natulog.   

26 19 Nineteen days to go before we celebrating the birth of Christ.

December 07, 2017
Thursday
Year V-341

11C-L. Panibagong araw muli ng pakikibaka ng sarili sa OJT at dahil nasarapan sa pagtulog at hindi pa nag-alarm ang Cellphone, malapit nang pumatak ang Alas-sais nang magising ako. Sa takot na mahuli at sa sobrang pagmamadali, hindi na nakapag-agahan pa. Mukhang mahuhuli na talaga pagkat inaasahang maiipit sa trapik subalit mabilis naman akong nakarating, iyon nga lang ay saktong naroroon na si Ma'am Paula maging si Deby. Naaasar na sa sarili pagkat late nanaman. Pinapunta ako ni Ma'am sa opisina ni Sir Jansen at nang makarating doon, may pinagawa ito sa akin at iyon ay magsagawa ng examination sa mga Senior High School. Kahit ilang araw ko nang pinapagawa ang magpa-exam sa bawat klase na dapat nasasanay na subalit hindi pagkat muling sumanib ang kaba sa dibdib, lalo na't magkaiba ang College sa Senior High at paniguradong mas mahihirapan sa pagsasaway dahil batid ko na mas maraming matitigas ang ulo sa kanila kumpara sa college.

11C-M. Kahit nag-aalangan sa pinapagawa ni Sir Jansen dahil batid ko na kulang na kulang sa Self-confidence, tinanggap pa rin, hindi dahil sa napipilitan at upang hindi siya pahiyain kundi ibig kong pataasin ang kumpiyansa sa sarili at masanay na humarap sa maraming tao, kahit sino pa sila. Binigyan pa niya ko ng tagubilin kung ano ang gagawin at sinanay na rin na magsalita. Sa una, medyo nahihirapan dahil patuloy na gumugulong ang hiya pero nakaya ko rin. Matapos ang pag-uusap namin ni Sir Jansen, tumungo na kung saan nagklaklase ang mga Senior High. Sa HUMMS Senior high students ako unang nagsagawa ng examination. Nahihiya man at nanginginig ang bawat daliri, muntikan na rin mapaihi subalit lakas-loob na hinarap sila't nagsalita. Hindi naman ako nahirapan na mapasunod sila, iyon nga lang ay may ilan talaga sa kanila ang sadyang sutil at may sariling mundo, gayunpaman ay ipinamukha sa kanila na ako muna ang dapat sundin sa oras na iyon. Sumunod ay sa ABM Senior High Students ako nagsagawa ng Examination.

11C-N. Habang pabawas nang pabawas ang kaba't hiyang bumabalot sa dibdib sa paglipas ng sandali, pataas naman nang pataas ang kumpiyansa sa sarili at bukod sa nasasanay, nae-enjoy ko na rin ang mag-administer. Nagpahinga muna ako matapos magpa-exam sa mga ABM Students at ilang sandali pa at dahil hindi pa tapos, kailangan nanaman magtungo sa bawat silid at maghanap. Sa GAS Senior High Students ako huling nagsagawa ng examination. Sa halip na matuwa dahil matatapos na, nalulungkot dahil hindi na makakapag-administer pa sa ibang senior high, nakakatuwa pa naman ang karamihan sa kanila at very warm ang pagtanggap sa akin kumpara sa mga college. Pagkatapos ay dali-dali na akong tumungo kay Sir Jansen upang ihatid ang mga test papers.

11C-O. Habang nasa puder ni Sir Jansen ay natutuwa ako dahil siya pa ang gumagawa ng paraan para magkwento ako at ilabas kung ano ang nasa loob. Bukod sa mabait ito, malalim ang kanyang pag-unawa. Nandoon na't mailalahad ko na sa kanya ang lahat ng gustong sabihin maging mga problemang sikolohikal na kinakaharap sa pang-araw-araw, dumating lang ang estudyante, naantala tuloy ang pag-uusap namin at nakakadismaya dahil sa lahat ng oras, palaging ako ang isinasantabi. Bandang tanghali nang makabalik ako sa opisina ni Ma'am Paula. Ang kaninang ako na masigla, biglang nagbago dahil nakakaramdam ng pagkahilo. Marahil ay pagod lamang ito dala na kakaakyat-baba kaya nagpahinga muna. Bukod sa nahihilo, sinisikmura rin ako hanggang sa hindi na mapigilan ang magsuka.

11C-P. Sa kabila na masama na ang pakiramdam ko, kaya pa naman kaya nagtungo muli ako sa opisina ni Sir Jansen. Habang papatungo'y parang matutumba na dulot ng pagkahilo't idagdag pa ang maalinsangang panahon. Nang hindi na kaya't parang matutumba na, umupo muna ako. May nakakita't pansin sa nangyayari sa akin kaya pinilit nang magtungo sa Clinic subalit hindi ako pumayag pagkat pahinga lang ang kailangan. Habang tumatagal ay palala na ng palala ang pagkahilo at sunod-sunod na rin ang pagsusuka kaya hindi na nakahindi pa't tulong-tulong nila akong dinala sa Clinic. Laking gulat pagkat muling tumaas ang dugo ko at umabot sa 160 over 100, mas mataas kumpara nang nakalipas na araw na binansagang High Blood nung magpa-blood pressure, kaya ganon na lamang pala ang aking pagkahilo, mas matindi kumpara na nahimatay nung nakaraang linggo.

11C-Q. Maya-maya pa't bukod sa nahihilo't nananakit ang tiyan, nakaramdam muli na parang kinukeryente ang katawan, inatake nanaman pala ng Hyperventilation. Tulong-tulong ang bawat personel at Nurse upang mahimasmasan ako. Kinalaunan ay bumalik naman sa dati ang paghinga ko't nabawas-bawasan ang pagkahilo. Ilang sandali pa nang dumating si Mama upang sunduin ako. Maigi-igi na ang pakiramdam ko kaya nakakaya nang tumayo't tuluyan nang nawala ang pagkahilo maging pananakit ng Sikmura. Sa halip na umuwi, tumungo pa kami ni Mama sa Ever Gotesco Mall at doon na naghapunan. Kahit tumataas ang dugo, Bulalo't Sinigang sa Miso ang naging meal namin at sa sarap, hindi mapigilan ang lantakan. Inabot na kami ng gabi sa pag-uwi't kaagad din ako natulog.  
         
25 18 Eighteen days to go before we celebrating the birth of Christ.


December 08, 2017
Friday
Year V-342

11C-R. Hindi gaya ng kahapon ang nararanasan pagkat masigla-sigla na't maginhawa ang pakiramdam subalit hindi muna makakapasok sa OJT pagkat ngayong araw ang Check up upang malaman ang sanhi ng pagtaas ng dugo. Sa sarap ng tulog, bandang Alas-otso na nagising. Kaagad din kami nagbihis pagkaalmusal at naghanda-handa. Hindi naman gasinong naipit sa napakabigat na trapiko kaya mabilis kaming nakarating ni Mama sa Commonwealth General Hospital. Isang oras din ang lumipas bago ako matawag ng Doctor. Pagkaharap ay kaagad kong inilahad sa kanya lahat ng naranasan at pagkatapos, may pinagawa ito sa na hindi ko mawari kung para saan, basta sumusunod na lamang. Maya-maya, nagtaka ako nang tanungin ng doktor kung nagkaproblema na ba ko sa Teynga. Hindi ko malaman kung anong kaugnayan ng teynga sa pagkahilo hanggang sa ipaliwanag ng doktor na bukod sa pandinig, ginagamit din ang teynga sa pambalanse. Nangyaring nawala ako sa balanse nang patayuin niya habang naka-squat kaya inisip nito na baka may problema sa teynga. Matapos ang ilang test at nang maresetahan, kaagad din kaming umalis.

11C-S. Tumungo pa kami ni Mama sa sinasabi ng doktor na Hi-Precision Diagnostic Center upang magpa-blood test. Nairita lamang kami sa Doktor pagkat maling lugar ang naibigay sa amin, naglakad pa tuloy kami at hinanap-hanap kung saan iyon. Si Mama, nag-uumapaw na ang init ng ulo't gulong-gulo na ko nang panahong iyon, hindi na alam ang gagawin. Natunton din naman namin kung saan ang Hi-Precision subalit hindi pinayagang magpa-blood test pagkat kailangan muna ng 12 Hours Fasting. Umalis na lamang kami ni Mama at sa layo ng nilakad, nakaramdam na ng gutom bukod sa pagod kaya nananghalian na sa Mang Inasal. Dakong Alas-dos nang makauwi kami ni Mama at kaagad na natulog. Pagkagising, saktong malapit nang maghapon.

24 17 Nineteen days to go before we celebrating the birth of Christ.


December 09, 2017
Saturday

Year V-343

11C-T. Sarap na sarap sana ako sa pagtulog subalit nasira nang gisingin ni Mama. Alas-sais na pala't kailangan na bumangon kahit inaantok pa't hindi kagandahan ang pakiramdam pagkat ngayong araw kukuhaan ng dugo. Kahit masama ang pakiramdam at mukhang lalagnatin pagkat kagabi pa masakit ang lalamunan at sinisipon, nagawa pa rin kumilos ng husay. Bandang Alas-siete nang makatungtong kami sa Hi-Precision. Habang hinihintay na matawag upang kuhaan ng dugo, walang ginawa kundi indahin ang pananakit ng lalamunan at sa sakit, nahirapan nang magsalita. Matapos kuhaan ng dugo at pagkauwi, sa sama ng timpla ko'y kaagad na nagpahinga. Bandang Alas-onse nang gisingin muli ako ni Mama pagkat tutungo naman sa Hi-Precision, Del Monte Branch upang isailalim ako sa CT-Scan. Nakaka-guilty lamang dahil sa pagkakasakit kong ito, napakaraming ipinapagawa't kasabay niyon ang paglalabas ng maraming kwarta na abutin na halos sa sampung libo.

11C-U. Kung ako ang tatanungin, huwag na sanang isailalim sa CT-Scan pagkat napakamahal subalit sina Mama ang mapilit at mas maigi naman iyon para malaman na ang sanhi ng aking pagkahilo't pananakit ng ulo. Kahit nanamlay na dulot ng pagsama ng pakiramdam, nakiayon pa rin sa desisyon nina Mama. Bukod sa sinisipon at masakit ang Lalamunan ay para na ring lalagnatin. Sa layo ng biniyahe, bandang hapon nang makarating kami sa Hi-Precision, Del Monte Branch. Habang hinihintay na isailalim sa CT-Scan, walang ginawa kundi umidlip sa halip na makipagkwentuhan kay Mama pagkat masama na ang pakiramdam, parang ibig na ngang umuwi. Nang magpa-blood pressure, gulantang ang kalooban pagkat tumaas nanaman ang dugo. Sobrang nababahala na pagkat bukod sa Baga ay mukhang nagkakaproblema na rin sa dugo at paniguradong magiging pabigat sa pamilya at mauudlot ang mga pangarap sa buhay kaya dalanging gumaling na.

11C-V. Isang oras din ang hinintay bago matawag at papasukin sa CT-Scan room. Dahil unang beses lamang sasalang sa ganung procedure, walang ibang maramdaman kundi kaba pagkat palaisipan kung ano ang gagawin. Ilang sandali pa, pinahiga na ko't ipinasok ang buong katawan sa napakalaking capsule. Para akong buburuhin habang ipinapasok sa capsule at mapakapit nang husto dulot ng pangamba sa napipinto nilang gagawin sa akin subalit hindi naman natuloy. Kahit kinakabahan ay ipinanatag pa rin ang kalooban. Wala pa sa kalahating oras nang matapos ang procedure sa CT-Scan at saka lamang nakahinga ng maluwag. Hindi na kami nagtagal pa ni Mama at pagkakuha ng bill ay daglian nang umalis. Pagkauwi, doon na talagang nilalagnat na. Bukod sa nag-aalala sa sarili, nag-aalala rin ako sa gastos pagkat ang daming sakit na dumadapo. Dala na nilalagnat, maghapong nakaratay sa kama.

11C-W. Lalo pang lumala ang kalagayan pagpatak ng gabi, bukod sa nilalagnat ay nahihilo na rin at nagsusuka, kaya itong sina Mama na halatang sumasakit na ang ulo dulot ng pag-aalala, napagpasyahan nang i-admit ako sa hospital. Sa una ay tumanggi ako't sinabing madadaan lamang sa pahinga pero wala nang nagawa pa pagkat hinang-hina. Kahit dis-oras na ng gabi'y dali-dali nila akong isinugod sa Commonwealth General Hospital. Kung kailan nasa Hospital na, saka nawala ang aking pagkahilo't bumaba na rin ang lagnat. Napalitan ng tuwa ang kaninang si ako na nababahala ng lubusan pagkat sinabi ng Nurse na Normal lahat ng resulta sa dugo. Umaayos-ayos na rin ang pakiramdam ko kahit wala pa ring puknat ang sipon at barado pa ang ilong kaya hindi na ini-admit pa, iyon nga lang ay kailangan pa hintayin ang advice ng Doktor.   

 23 16 Sixteen days to go before we celebrating the birth of Christ.

December 10, 2017
Sunday

Year V-344

11C-X. Sumapit na ang Hating-gabi, hindi pa rin dumarating ang Doktor at sa tagal, hindi na mapigilan ang mainip. Sa kakahintay ay nakaramdam na rin ng gutom kaya doon na kami naghapunan pa. Ilang sandali pa, sa wakas ay dumating na rin ang Doktor at matapos abisuhan at resetahan, umalis na kami. Dakong Ala-una na ng madaling araw kami nakabalik sa bahay at dahil parang nilalagnat muli, diretso hilata ako sa kama. Pagkagising kinaumagahan at sa tindi ng sipon na bumara na nga sa Lalamunan, halos mahirapan na paghinga. Nanatili pa ring masama ang pakiramdam kaya walang ginawa sa buong umaga kundi humiga. Hindi lamang ako sinisipon at masakit ang lalamunan, nananakit din ang ulo't nahihilo. Sa sakit, halos mabaliw na ko subalit walang ginawa kundi tiisin at gumawa ng paraan para mabawas-bawasan kahit papaano ang mga nararanasan.

11C-Y. Bukod sa akin na nakagapos sa karamdaman, maging ang ilaw ng tahanan sa pamilya ay kahapon pa walang tigil ang pagdurugo dulot ng regla at nahihilo na ito, marahil ay nauubusan na ng dugo. Sobrang ikinabahala na namin ang nangyayari kay Mama kaya napagpasyahan nang ipakonsulta sa Hospital. Tila nagkasunod-sunod at sabay nga naman ang problemang kinakaharap pagkat bukod sa nahihirapan na ko dulot ng sakit, maging si Mama ay kailangang i-admit. Gayunpaman at sa kabila ng mga dumarating na pagsubok, tiwala namang malalampasan ito basta manalig lamang. Nagpatuloy ang pananakit ng ulo ko hanggang tanghali at pagpatak ng hapon, dala na hindi na kinaya pa ang pagkahilo, nagsuka nanaman ng sunod-sunod. Sa nangyayari sa akin ay pakiwaring katapusan na subalit hangga't may hininga ay gagawa ng paraan para mabuhay.

11C-Z. Si Papa naman at sa sobrang pag-alala pagkat nagkasabay-sabay ang pagkakasakit, naisipan nang papuntahin muna si Tita Susan nang sa ganon ay may magbantay sa oras na wala ito't nasa hospital na binabantayan si Mama. Masakit na nga ang ulo ko, maingay pa sa labas dulot ng kapit-bahay na nagkakaraoke kaya hindi mabawas-bawasan ang sakit at patuloy na nasusuka. Bandang Alas-sais nang makarating ang Tita Susan. Habang lumilipas ang ilang sandali, pabawas na ng pabawas ang sakit ng ulo hanggang sa tuluyan nang nawala. Matutulog na sana ako nang sa di inaasahan ay nagkaroon ng brownout. Ang nakakayamot pa, kami-kami lang ang walang kuryente. Walang ginawa kundi tiisin ang init pagkat bukas pa raw posibleng maibalik ang kuryente kahit may sakit. 

22 15 Fifteen days to go before we celebrating the birth of Christ.


December 11, 2017 
Monday 
Year V-345

11D-A. Hindi na gaya ng mga nakalipas na araw ang masamang pakiramdam pagkat nagagawa nang tumayo at kumain, bukod pa roon ay nanumbalik na ang panlasa at pang-amoy subalit patuloy pa rin akong sinisipon at inuubo pa nga. Matapos mag-almusal at gawa na nagpapalakas, saglit akong nahiga hanggang sa makaidlip. Nagpapasalamat dahil kahit paano'y gumagaling na. Kung kailan kasarapan ng tulog, ginising ng ate, malapit na palang magtanghali at dahil tutungo muli kami sa Commonwealth General Hospital upang magpatingin naman sa teynga, kaagad nang nagbihis. Labag man sa kalooban ko na makasama ang ate dahil hindi pa kami tuluyang nagkakaayos at maiilang lamang, sinubukan pa rin makitungo sa kanya. Isa pa'y napatawad ko na ito't nakita ko naman kung gaano siya nag-alala nang panahong isusugod sa hospital, kahit natatarayan sa kanya.

11D-B. Dala lamang marahil na nagdadalang tao ito kaya madalas na parang sasabog ang bungo kapag kikibuin ito. Kung ako lamang ang masusunod ay dapat mag-isa na lamang tutungo sa hospital pagkat malakas na ko, kaso hindi naman nila ako mapayag-payagan at ibig na may kasama, pagkat baka raw kung ano ang mangyari kapag mag-isa. Bandang Alas-onse nang makatungtong kami sa Hospital. Makaraan ang higit sa isang oras nang sa wakas ay dumating na ang doktor. Hindi pa nito matukoy kung ano ang mayroon sa teynga na siya ang marahil na sanhi ng pagkahilo't pananakit ng ulo dahil sa nakabarang nakakadiring tutuli, niresetahan niya ko ng gamot na pantanggal sa tutuli't pinapabalik sa susunod. Kaagad din natapos ang aking check-up. Wala pang balak umuwi kaya naisipan namin bisitahin si Mama doon sa Saint Luke Medical Hospital. Napakatrapik sa lansangan at nahirapan pang makahanap ng masasakyan kaya natagalan bago makarating doon.

11D-C. Pagkatungtong ng Hospital, animoy  kabilang ka sa mayayamang pamilya pagkat puro susyalin ang mga nakakasalubong mo maging mga pasyente at ang ambiance, pangmayaman. Kilala ang Saint Lukes Hospital na puntahan ng mga mayayamang may sakit dahil mahal ang pampagamot doon kaya ganon ang naramdaman ko. Yung pakiramdam na masaya ka dahil nakaapak sa ganung ospital subalit nag-aalala naman ng lubos dahil sa kalagayan ni Mama na hindi malaman kung anong sakit ang tumama sa kanya. Pagkarating sa room kung saan naka-confine si Mama, saktong nanunuod ito ng telebisyon at ang kwarto, ang linis at ganda, parang ang sarap matulog o magpa-confine doon. Nakaramdam ng habag sa dibdib pagkat nanlalata si Mama't sinabing bumagsak raw ang Hemoglobin nito kaya nahihilo. Walang ginawa kundi kamustahin ito't makipagkwentuhan.

11D-D. Ilang sandali pa nang biglang pumasok ang Doktor ni Mama. Ikinalumbay ko nang sabihin ng Doktor na may nakita raw na tumubo na parang bukol na kung tawagin ay Polyps sa bandang matres nito nang isailalim saUltrasound, dahilan kung bakit ganon na lamang siya duguin. Yung nakaligtas ako mula sa sakit ng dugo subalit abot-langit ang pag-aalala dahil sa kinakaharap ni Mama na seryosong sakit. Nag-aalala man, kailangan pa rin maging positibo't manalig sa maykapal. Gaya ng sinabi ko, pagsubok lamang ito na hindi pang-habang bunay ay naririyan at malalampasan din. Sa dami ng pwedeng tamaan ng ganung sakit, bakit si Mama pa? Nakakabagot at gusto kong mamasyal-masyal, kaso hindi pinayagan nina ate. Nairita nanaman sa kanya pagkat harap-harapang tinarayan, sa inis ay muntikan nang magpakita ng bangis dahil kanina pa sinusungitan subalit nagpakahinahon ako alang-alang kay Mama, isa pa'y hindi biro ang kinakaharap naming sitwasyon.

11D-E. Nang umalis ang ate, pumayag naman si Mama at saka lamang nakagala-gala. Ang sarap nga naman maospital kapag sa Saint Lukes Hospital dahil bawat pasilidad, maayos at komportable sa pakiramdam, bukod pa doon ay alagang-alaga ang mga may sakit subalit malaginto ang bayarin at maging mga kaliit-liitang bagay, may bayad. Bandang gabi nang makauwi sa bahay at sa gutom, kaagad na lumamon. May kalaliman na ang gabi at dala ng pagod dulot ng malayong biyahe, daglian nang natulog. Diyos na ang bahala kay Mama at tiwalang hindi nito pababayaan.    

21 14 Fourteen days to go before we celebrating the birth of Christ.


December 12, 2017 

Tuesday 
Year V-346

11D-F. Naging maginhawa ang paggising sa umaga na tila nasa alapaap kahit sinisipon pa rin subalit minabuting huwag munang pumasok pagkat hindi pa gasinong magaling at para mabigyan ng panahon ang sarili na magpahinga. Sarap pang humilata sa kama ngayong malamig ang panahon kaya dakong Alas-otso nang maisipang bumangon. Pagkaalmusal, walang ginawa sa buong umaga kundi humilata't tumingin sa kawalan na tila tuliro. Medyo nababato ako, ngayong walang ginagawa at dahil masigla-sigla naman sa kabila na wala pa ring puknat ang paglabas ng uhog, naisipan kong maglaba. Kung kailan naglalaba, doon nakaramdam na parang ninakawan ng lakas subalit ipinagpatuloy pa rin ang paglalaba nang matapos. Parang sobrang pagod ko nang makapaglaba kaya muling nagpahinga.

11D-G. Kinahapunan at dahil may kahabaan na rin ang buhok, labag man sa kalooban dahil pangarap kong tawaging "Ang Haba ng hair" balang araw, kung mukha namang ermitanyong mama sa paningin ng iba, nagpagupit na. May kaibahan lamang sa barbero na naingkwentro ko pagkat bukod sa bata-bata pa ito't halos kasing edad ko lamang, may naamoy na halimuyak na bulaklak mula sa kinikilos nito at halatang-halata kahit kinukubli na kagaya namin siya. Natuwa ako dahil kahit binabae ito, kaya nitong gampanan ang pagiging barbero't sulit marahil ang araw-araw nito dahil iba-ibang mga lalaki ang nagugupitan niya't naahitan pa. Nang magpagupit sa kanya, hindi ito gaya ng mga naging barbero ko pagkat mahinay at mabusisi, maging sa mukha'y tinitingnan niya, sa ginagawa nito na malinis at parang iniingat-ingatan ka para pogi talaga, kulang na lang ay lapatan ka ng kolorete sa mukha.

11D-H. Nang tsumika ito, kumpirmadong binabae ito't dinaig pa ang babae. Matapos magpagupit kay tsikadorang baklang pilit ang pagkalalaki, nagtungo pa ko sa Computer shop. Inabot na ko ng gabi na nasa shop at kung kailan naglalakad pauwi, doon nakaramdam na nanghihina. Marahil ay nabinat na ko. Gawa na nanghihina't pakiwaring sumabak sa mabigat na gawain, pahinto-pahinto. Kahit hinang-hina na kulang na lamang ay gumapang na, nagpatuloy pa rin sa paglalakad, makauwi lamang. Pagdating sa bahay, kaagad akong nahiga. Bukod sa nanghihina, umatake nanaman ang pananakit ng ulo. Akala ko, magaling na subalit kailangan pa ng ilang araw na pahinga para tuluyan nang gumaling. Hindi naging masarap ang tulog dahil sa iniindang sakit ng ulo.   

20 13 Thirteen days to go before we celebrating the birth of Christ.



December 13, 2017 
Wednesday 
Year V-347

11D-I. Parang bula kung mawala ang sakit ng ulo subalit humina naman ang pandinig dulot na inilagay na gamot sa Teynga na kung tawagin ay Otosol. Kahit naibsan na ang pananakit ng ulo't nanumbalik na rin ang sigla, hindi pa rin ako pumasok at mas piniling magpahinga muna sa buong araw na ito para tuluyan nang gumaling at hindi na mabinat pa. Magpapahinga sana ako, kaso kailangan ko raw magpatingin kay Doctora Dacayan pagkat hindi pa lubusang nawawala ang sipon. Ayaw ko man pagkat gastos nanaman, mas maigi nang maagapan kaysa lumala, mas magastos pa. Si Tita Susan ang makakasama ko patungong UST Hospital at dahil mamayang Alas-dos pa darating si Doctora Dacayan, bandang tanghali na kami nagtungo roon.

11D-J. Saktong wala pa ang doktora at dahil maagang nakarating, unang-una kami sa tatawagin. Sa tiyaga'y dalawang oras kami naghintay bago makaharap si Doctora Dacayan. Isang taon at tatlong buwan na pala akong hindi kumukonsulta sa kanya't sa tagal, muntika na niya akong makalimutan. Pinayuhan niya lamang ako kung ano ang gagawin para matigil na ang sipon at pagkatapos, niresetahan. Panibagong gamot nanaman ang iinumin, sa dami ba naman ng sakit na tumatama sa akin at madalas pa. Makabutas bulsa din ang presyo kaya halos mapaaray na ko't dahil may kamahalan, hindi lahat ng niresetang gamot, nabili namin.

11D-K. Pambihira't samu't saring tableta ang lulunukin ko, mistulan nang botika sa bahay sa dami ng gamot na banig-banig. Balak pa sana namin bisitahin si Mama sa Saint Lukes Hospital, kaso napurnada dahil sa lintik na trapik. Bandang Alas-singko na kami nakarating ng bahay. Kinagabihan at dala na nababagot, nilibang ang sarili sa pag-online sa Social Media. Habang tumatagal ay napapansin kong pahina nang pahina ang aking pandinig at halos hindi na maintidihan sa tuwing nakakarinig na may nag-uusap kahit malapitan. Nababahala na tuloy na baka mabingi subalit tiwalang maibabalik sa ayos ang aking pandinig. Dahil papasok na bukas, maaga akong natulog.

19 12 Fifteen days to go before we celebrating the birth of Christ.


December 14, 2017 
Thursday 
Year V-348

11D-L. Mga dakong Alas-dos ako nagising subalit malapit nang pumatak ang ikalima nang mapagpasyahang bumangon. Medyo tinatatamad ako ng lagay at sa katunayan ay parang gusto ko ng ituloy-tuloy ang bakasyon at sa susunod na linggo na pumasok subalit marami nang absent at ibig ko nang matapos ang OJT. May kalamigan din panahon kaya lalo pang tinatamad at gustong parating nakahilata na lamang sa maghapon. Sa bagal kong kumilos gawa na inaalala ang unti-unting paghina ng pandinig, bandang Alas-siete na nakaalis. Kung kailan nakarating na ko ng Regalado, minamalas ng lagay dahil nasira ang zipper ng bag at natanggal ang bukasan nito. Sinubukan ko ang mga naisip na paraan subalit walang nangyayari. Problemadong-problemado na ko nang panahong iyon at ibig nang huwag ng tumuloy sa OJT. Nang magtanong ako sa isang Lady Guard, laking tuwa't pasalamat pagkat siya pa ang nag-ayos, naibalik sa dati ang bag ko't wala nang dahilan pa upang lumiban.

11D-M. Pagkapasok ng Guidance Office, si Deby pa lamang ang nadatnan ko. Iyon pala, sinabi nito nag-leave si Ma'am Paula at baka sa susunod na taon pa ito bumalik. Dahil wala si Ma'am, kaming dalawa ang namahala sa loob ng Guidance office at nag-entertain ng mga estudyante. Naiingit lamang ako kay Deby dahil tapos na ito sa OJT subalit pumapasok pa rin ito para lang sa client. Nang malamang wala pala si Ma'am Paula, lalo pa tuloy tinatamad, idagdag pa ang pagkabingi ko, tapos sila-sila lamang nagkukwentuhan ni Joyce at para akong others sa kanila, nakaka-out of place. Gumawa na lamang ng paraan para hindi ma-out of place at iyon ay maglagay ng test paper sa bawat envelope ng mga estudyante na nakalagak sa cabinet. Walang ibang pinagkaabalahan kundi iyon lamang at nakakapagod pagkat bukod sa maglalagay ka, pabalik-balik pa para kuhain ang iba pang mga test paper na nakahiwalay base sa kurso.

11D-N. Nang lumipas ang tanghali, tumungo ako Main Campus para ibigay ang mga nakumpiskang ID sa Discipline Office. Bago magtungo roon at dala na nakakaranas na ng gutom, kumain muna. Mahirap na't baka kung ano muli ang mangyari sa akin kapag nalilipasan ng gutom at hindi ko na ibig pang magkasakit. Pagkatapos, tumungo na ng Discipline Office. Saktong naroroon si Sir Jansen at natuwa nanaman ako, di dahil sa taglay nitong hitsurang kaakit-akit kundi ramdam ko na appreciate niya ko't nauunawaan. Gumagaan ang loob ko kapag kausap si Sir Jansen at para itong si Ma'am Joyce, tinutulungan ka maging mas lalo pang matatag. Bukod pa roon ay parang masasabi ko ang ibig sabihin at handang-handa ang teynga nitong makinig at papayuhan ka pa, di yaong taong kausap mo na parang wala lang at lutang na lutang. Tinatamad na talaga ako kaya napagpasyahang mag-half day na lamang.

11D-O. Pagkauwi, napalitan ng pagkairita ang kaninang loob na napakadalisay, paano ay ilang ulit nang kumakatok sa gate, walang nagbubukas. Ni pagkakalampagin ko na nga, para lang marinig subalit ni isa'y hindi man lamang nagpapakita. Gawa na wala namang nagbubukas, kahit delikado'y nag-over the bakod na ko, swerteng hindi naman nadisgrasya kahit muntikan na't nayamot ako sa kasamahan sa bahay, abala pala sa panunuod ng telebisyon. Medyo pagod-pagod ang aking kalagayan kaya kaagad na nag-beauty rest para beauty pa rin kahit stress for the rest of my life. Pagkagising, magandang balita ang bumungad pagkat nakauwi na si Mama galing hospital.

11D-P. Lubos ang pasasalamat sa maykapal dahil matagumpay na naialis ang bukol sa matres nito at hindi niya hinayaang may mangyaring masama kay Mama. Kahit naiirita ako dahil sa pagiging bungangera nito't madalas talakan, hindi kakayanin ng loob kapag nawala si Mama sa akin dahil siya ang buhay ko. Kinagabihan at kahit kalaliman na, maingay pa rin sa kapaligiran dahil sa mga tambay. Marindi-rindi ako pagkat bukod sa nag-uusap na parang itinapon mula sa bundok at may lahok pang malulutong na mura, kumakanta pa. Nabanas ako kaya ibig na pagsasabuyan ng tubig dahil babastusin lamang kung pagsasabihan, kaso pinigilan ko ang sarili. Nagsialisan naman sila pagpatak ng Alas-dyis at salamat sa nagpatupad ng Curfew dahil makakatulog ng matiwasay sa magdamag.        
18 11 Eleven days to go before we celebrating the birth of Christ.


December 15, 2017 

Friday 
Year V-349

11D-Q. Dala na bumabawi't humahabol sa ilang araw na hindi pagpasok ko sa OJT, dulot ng pagkakasakit at naospital pa ang ilaw ng tahanan, Alas-kwatro pa lamang ng madaling araw, bumangon na ko kahit aandap-andap pa ang mata sa antok at malamig pa ang panahon. Sa lamig ng panahon bitbit ngHanging Amihan, kawalang gana ang maligo subalit pinilit pa rin para maging presko't mabango. Pagkasakay ng toda, nainis ako sa katabing pasaherong mama pagkat panay makasigarilyo't walang pasintabi. May problema pa naman ako sa baga't hanggang ngayon ay inuubo't sipon pa rin kaya panay iwas sa tuwing magbubuga ito ng usok. Nang hindi ko na makaya pa't kahit batid kong magdudulot ng gulo, nagparinig ako.

11D-R. Tumigil naman ang mama nang makaramdam at itinapon ang Sigarilyo, pano'y ubos na. Maninigrilyo ba naman, doon pa sa tricycle na may kasamang pasahero't driver pa, nakakaperwisyo siya't buti sana kung may pampagamot. Bahagya akong naliyo dahil nakalanghap sa Sigarilyo at magmula't sapol, kinaaayawan ko ang mga naninigarilyo dahil nakakapinsala sila ng kalusugan ng may kalusugan, maigi sana kung sarili lamang nila! Maaga akong nakarating sa OLFU-Regalado at saktong wala pa si Deby kaya ako muna ang namahala sa Guidance Office. Dakong Alas-siete nang dumating ito. Wala muling ibang ginawa kundi maglagay ng mga test paper sa bawat envelope ng mga estudyante.

11D-S. Nakakahapo man at dahil determinadong makatapos, hindi ako nagreklamo. Saka lamang ako tumigil pagsapit ng tanghali. Hindi pa nagugutom kaya sa halip na mananghalian, umidlip na lamang. Ipinagpatuloy ko ang paglalagay ng mga test paper sa mga envelope at sa tiyaga, natapos din kaagad. Nakakaramdam na ng gutom kaya kumain muna at pagkabalik, pagti-check naman ang napagkaabalahan. Dahil naghahabol sa kagustuhang makabawi't matapos na ang OJT, nag-over time ako. Umalis na si Deby subalit heto pa rin ako na abalang-abala. Mga bandang Alas-sais nang mapagpasyahang umuwi. Kinagabihan, mangatog na halos pagkat nagsimula nang maramdaman ang malamig na panahon. Magsisimula na rin pala ang Simbang Gabi bukas at sa kagustuhang makadalo sa unang Misa de Gallo, maaga akong natulog.

 17 10 Ten days to go before we celebrating the birth of Christ.


December 16, 2017 

Saturday
Year V-350

11D-T. First day of Misa de Gallo. Alas-dos pa lamang ng madaling araw nang ako'y magising. May kalamigan ang panahon kaya nakakatamad ang bumangon at sarap ibalot ang buong katawan sa kumot pagkat nakakangatog ang ginaw. Masyado pang maaga kaya umidlip muna ako. Pagkamulat, Alas-tres na at nakakatamad ang bumangon kaya napagpasyahang huwag nang dumalo sa Simbang Gabi. May mga araw pa naman upang makapagsimbang gabi. Sa halip na ihanda ang sarili sa pagsisimba'y sa pagpasok na. Batid kong wala pa rin si Ma'am Paula kaya napagpasyahang sa main na mag-practicum. Dakong Alas-sais nang makarating ako sa School at saktong sarado pa ang Guidance Office at manaka-naka pa lamang ang mga estudyante. Umaga na subalit dama pa rin ang malamig na panahon kaya heto't nakasuot ng Jacket.

11D-U. Pagpatak ng Alas-siete, bumalik ako ng Guidance Office, saktong bukas na ito't si Ma'am Lovely pa lamang ang nadadatnan. Laking gulat ko't nakakainggit dahil tapos na ang karamihan sa mga kasamahan sa OJT at mabuti pa sila. Dahil Sabado at talagang naghahabol ako, kaming dalawa lamang ni Cathlyn ang pumasok. Pagtitsek ng mga Test Paper saPsychological Testing ang pinagkaabalahan namin at tumirik halos ang mata pagkat marami. Nakakatamad man, ipinagpatuloy ko ang pagtitsek. Ilang sandali pa, tinamaan na ng kaantukan. Sinubukan ko pa rin mag-tsek kahit inaantok na subalit hindi na napigilan pa. Gawa na nagugutom na rin, itinigil ko muna ang pagtitsek at kumain.

11D-V. Bandang Alas-dyis nang makabalik sa Guidance Office at sa mga oras na iyon, kami-kami lamang ni Cathlyn. Lalo tuloy ako tinatamad at ibig nang umuwi pagkat nakakabagot. Sa halip na ipagpatuloy ang pagtitsek ng mga sangkatutak na Test Paper, mas piniling umidlip na lamang. Pagkagising at nang malaman na nasa Library si Nikki, tumungo muna roon. Bukod sa kanya ay kasama rin nito ang bagong kaklase't kaibigan. Kwentuhang walang hanggan muli kami at maya-maya, napansin ko ang isa pa nitong kaibigan na masalita't parang hindi nauubusan nang kwento. Suzanne ang pakilala niya sa akin at kahit may pagkamadaldal, nakakaaliw itong kasama't nakaka-goodvibes. Sila ang nagtanggal ng aking pagkabagot na kanina pa tinatamasa't nalilibang ako. Dahil masarap silang kasama, napagpasyahan ko nang mag-log-out sa OJT. Nang bandang tanghali'y naisipan naming magtungo sa Robinson Novaliches.

11D-W. Habang binabagtas ang kahabaan ng Quirino Highway patungo roon ay hindi naman nakakapagod pagkat nakakatuwang kausap si Suzanne at napakatsika, hindi na nga halos makasingit, gayunpaman ay pinagtiyagaan na lamang siya. Pagkatungtong ng Robinson Novaliches, bumungad ang bulto-bultong kapal ng mga tao't hindi na makakilos ng maayos. Walang ginawa kundi magtingin-tingin sa Tiangge at dala ng kakalakad, nagutom kami. Malapit lamang doon ang kainan kaya doon na kami nananghalian. Matapos mananghalian, tumungo naman kami sa SM Fairview. Tamang pasyal-pasyal lamang kami't kuhaan na rin ng litrato to capture the moments and for remembrance. Pagpatak ng Alas-dos at dahil may exam pa itong si Suzanne, nagpaalam na kami sa isa't isa. Pagkauwi't dala na kanina pa gustong matulog, mabilis pa sa guhit ng kidlat ang paghilata ko. Kinagabihan, nagsimula nanaman ang taunan at kaliwa't kanang pangangaroling kaya maya't mayang may umaawit ng "Sa Aming Bahay" at pagsasabi ng patawad.

11D-X. Sa hirap ba naman ng buhay, halos bahay marahil na mapuntahan ay nag-aalangang magbigay ng Aguinaldo. Bukod pa roon ay dama nanaman ang malamig na panahon kaya heto't muling nangangatog. Sa lamig ay damang-dama mo na talaga ang Pasko. Walang magawa kaya panonod ng telebisyon ang pampalipas oras. Isa nanamang kwento sa Maala-ala Mo Kaya ang nagbigay ng Inspirasyon at patungkol pa ito sa sangkabaklaan na gaya ko. Siya si Michael Leyva, isang Fashion Designer at taga-gawa ng mga kasuotan ng mga artista na magmula pa lamang pagkabata'y pangarap niyang sumunod sa yapak ng kuya nito na isa ring binabae, ang maging isang Fashion Designer subalit hindi nito magawa pagkat natatakot ito na baka magaya sa kuya niya na kailangan pa dumaan sa butas ng karayom at mahirapan bago siya matanggap ng magulang. Kinalaunan, naipakita rin niya kung ano ang tunay na siya at ipinagpatuloy ang dapat sana'y pangarap ng kuya nito pagkat ito'y pumanaw hanggang sa siya'y maging successful. Nakakakatuwang isipin na siya na hindi hamak lamang na walang alam sa buhay at marupok, ngayon ay may narating na't matayog pa na hirap abutin. Matapos manuod, kaagad na kong natulog.    
      
 16 09 Nine days to go before we celebrating the birth of Christ.


December 17, 2017 

Sunday
Year V-351

11D-Y. Ikalawang araw ng Simbang Gabi. Alas-dos pa lamang ng madaling araw, nagising na ko. Anong lamig pa rin ng panahon kaya katamad ang bumangon subalit hindi nagpanaig sa katamaran. Dakong Alas-tres nang iangat ko ang sarili't naghanda-handa. Sa Saint Peter Parish ko naisipang magsimba't bandang Alas-kwatro na nakatungtong roon. Pagkadako yapak, hindi na halos mahulugang karayom sa dami ng tao't nagsabay pa ang mga nagsisipag-alis at pasok pa lamang kaya hindi maiwasan ang magbalyahan. Halos ma-suffocate na nga kahit may suot na mask dahil naghalo-halo na ang amoy at napapalibutan ng maraming tao. Gayunpaman ay walang ginawa kundi magtiyaga. Kahit siksikan sa dami ng tao, matagumpay pa rin akong nakapasok sa simbahan. Tungkol sa Joy ang naging tema ng homily ni Father at bawat isa sa atin na tapat sa panginoon at walang ibang inuuna kundi siya, nararapat lamang na maging masaya. Bukod pa roon ay kailangan iwaksi natin kung anuman ang galit sa kapwa at magpatawad pagkat makakamit ang kaligayahan.

11D-Z. Anumang bagay ang dumating at makamit, simple man o magarbo, maging masaya pa rin at makuntento. Hindi pa man tuluyang natatapos ang misa, umalis na ko. Pagkauwi't dala na inaantok, natulog muli ako. Bandang Alas-otso na nang magising at nag-almusal. May kakulimliman ang panahon at mahangin pa kaya lalo umigting ang nararanasang ginaw. Sa kabila na may kalamigan ang panahon, nag-init pa rin ang ulo ko. Paano'y walang ginawa ang ate kundi sabunin ako't para bang sinasabi niya na masama akong kapatid at hindi na magbabago kailanman. Mahilig pang mambara kaya iritable sa kanya subalit pinipigilan na lamang ang damdamin pagkat ayaw ko na mag-away muli kami't magkasakitan ng loob, lalo na't nagdadalang tao ito. Hindi ko alam kung hanggang saan ang pasensiya, lalo na't napupuno na sa kanya subalit sana'y humaba pa't kayanin. Tao rin ako't pasensiyahan na lang talaga kung tuluyan nang napuno sa kanya kapag hindi niya ko tinigilan.

11E-A. Hindi ko malaman kung bakit ganyan siya sa akin. Naghanda-handa muli ako pagkat tutungo naman sa Commonwealth General Hospitalupang mag-follow up Check up. Ang laki na ng pinagbago ng ospital na iyon at dahil marami nang gusali ang naitayo, nagkandaligaw-ligaw ako. Nakarating naman kung saan ang Clinic ng doktor ko sa Teynga subalit kailangan pang maghintay. Makalipas ang halos isang oras, sa wakas ay nakaharap ko na rin ang doktor na si Doctor Florendo. May sinabi ito sa akin at maya-maya pa'y nagpunta kami sa kabilang kwarto upang linisang Teynga. Mabingi ako ng halos habang ipinapasok ang Vacuum upang tanggalin ang nakabarang tutuli't walang ibang maramdaman kundi pangamba, sa takot na baka matanggal ang Ear drum. Luminaw ang pandinig ko matapos nitong linisan ang magkabilang teynga't nagagalak dahil wala itong nakitang problema na naging sanhi ng pagkahilo't sakit ng ulo o sa madaling sabi, Vertigo.

11E-B.  Niresetahan pa niya ko ng gamot at nang magbabayad na sa Secretary, nanlaki ang mata sa gulat pagkat isang libo ba naman ang singilin, samantalang walang bitbit na ganung halaga, kinabahan ako. Mabuti na lamang, mabait si Doctor Florendo kaya pumayag ito na limang daang piso lang ang ibayad ko't laking pasalamat sa kanya. Tumungo pa ko ng SM Fairview at naggagala-gala kahit nag-iisa lamang. Maya-maya'y naisipan kong magtungo saNational Bookstore at dahil nawili sa pagbabasa, hindi namalayan ang pagsipa ng Ala-una. Pagkarating ng bahay, anong ingay sa kapaligiran dulot ng kapit-bahay na nagkakaraoke't nakakarindi, hindi tuloy makapagpahinga ng maayos. Maging sa gabi ay nanatiling maingay ang kanilang karaokehan kaya hindi na halos marinig ang pinapanood at nagtatiyaga na lamang kami. Tumahimik naman ang kapaligiran nang Alas-dyis na kaya nagwakas din ang pagtitiis at makakatulog ng matiwasay.   

  15 08 Eight days to go before we celebrating the birth of Christ.


December 18, 2017 

Monday 
Year V-352

11E-C. Alas-dos pa lamang ng madaling araw ay bumangon na ko para dumalo sa Simbang Gabi. Lalo pang umigting ang nararanasang lamig ng panahon kaya naging mabagal sa pagkilos at parang gusto pang matulog muli, nakakatamad din ang maligo. Malapit nang sumapit ang Alas-kwatro nang makatungtong sa Saint Peter Church. Di na mahulugang karayom ang dami ng tao kaya bigo muling makahanap ng mauupuan. Kung pagmamasdan, karamihan sa mga nagsipagsimba, mga kabataan na barkadahan at tila nagsisimba lamang, hindi upang makinig sa misa kundi makipaglampungan at nakakahiya, ang ilan ay nakakapaglahad pa ng malulutong na mura kahit nasa loob na ng simbahan.

11E-D. Iba na nga ang karamihan sa mga kabataan ngayon kumpara dati, wala nang modo't pagpapahalaga sa bawat nakapaligid sa kanila. Bukod pa roon ay sakit na rin ng ulo ng lipunan at mukhang lumalamlam na ang katagang "Ang kabataan ang pag-asa ng bayan". Tapos ay ang iingay pa't akala'y wala sa simbahan! Ilang sandali pa nang magsimula ang misa. Kapareho lamang nung nakaraang simbang gabi sa ganitong araw ding ito ang naging homiliya ng padre pagkat tungkol iyon sa pagiging tapat sa asawa. Nakakalungkot isipin na karamihan sa mga mag-asawa, hindi na tapat sa isa't isa dahil sa tukso. Kawawa ang mga bata na namuhay na hindi buo ang pamilya dahil sa hindi naging tapat ang kanilang nanay at tatay. Hindi ko na tinapos pa ang misa't pagkauwi, panonood ng telebisyon ang siyang inatupag.

11E-F. Bukod sa malamig ay naging maulan din ang panahon, sarap tuloy ang matulog sa maghapon. Balak sanang maglaba gawa na walang magawa subalit wala naman balak magpakita ang araw at mukhang magiging maulan sa maghapon, nagwalis-walis na lamang sa loob ng bahay. Pagpatak ng tanghali, nag-siyesta ako. Dahil napasarap dulot na maulan at malamig ang panahon, naghihingalo na ang liwanag nang magising. Kinagabihan, panonood ng pelikula ang naging libangan ko. Kahanga-hanga ang ipinakitang katapangan niUrduja dahil sa kabila na babae lamang ito, nagawa nitong maipagtanggol ang kanyang buong tribo laban sa mga pirata at naitaguyod. Nakakapagbigay ng inspirasyon para sa mga kababaihan maging sa aming mga sangkabaklaan na pusong babae. Bandang Alas-dyis nang mapagpasyahang ihilata ang sarili sa kama.  


14 07 Seven days to go before we celebrating the birth of Christ.

December 19, 2017
Tuesday
Year V-353

11E-G. Sa sarap ng tulog at dahil nahirapan sa pagbangon, bandang Alas-tres nang ako'y makapaghanda-handa para makadalo sa Simbang Gabi. Gaya ng mga nakalipas na Misa de Gallo, hindi pa rin mahulugang karayom ang dami ng tao't nahihirapan ang nakakilos. Dahil inagahan ko ang pagpunta, sa wakas ay may naupuhan din. Kahit may naupuhan, hindi naman naging komportable ang kalagayan gawa na maingay ang katabi't kakukulit. Sinaway ko na subalit parang teyngang kawali, hinayaan na lamang sila. Patungkol sa kung ano ang misyon natin sa mundo habang nabubuhay ang naging homily ni Father. Tinamaan ako sa sinabi ng pari dahil dumadalo lamang sa Simbang Gabi, para lamang makamtan ang kahilingan, hindi upang makiisa sa liwanag.

11E-H. Marahil sa ginagawa natin na ang tanging hangarin lamang ay makamtan ang kahilingan sa pagsisimbang gabi, hindi na natutuwa ang Diyos at nararapat na mahiya tayo sa kanya. Matapos magsimba'y nagdasal muna ako. Diyos na ang bahala sa Mama ko't nawa'y tuluyan na nga itong gumaling. Pagkauwi sa bahay, saka lamang nakapag-almusal. Tanging ang biniling Putobungbong at Carioca ang naging agahan ko. Masarap sana ang Putubungbong, kaso ay hindi naging suwak sa Sikmura't nakakabitin pagkat kakarampot lamang. Bumili pa ko't nagsayang lang ng kwarta. Dahil may follow up check up ngayon ang Mama sa kanyang Matres, kaming dalawa lamang ng Kuya Al ang tumao sa bahay. Walang magawa at para iwas pagkabagot, paggugupit at dikit ng papel ang pinagkaabalahan ko.

11E-I. Maya-maya pa, oras na upang mananghalian. Bandang hapon na nakarating sina Mama at bukod sa pagkain ay may magandang balita rin itong pasalubong dahil kinumpirma na hindi Cancerous ang tumubong bukol sa kanyang matres. Napakadakila nga ng Diyos at hindi niya kami pinababayaan. Parang nasa alapaap ang pakiramdam at nakakahinga-hinga na ng maluwag dahil makakasama pa ng matagal si Mama. Ang sarap nga naman mamuhay kapag nalampasan mo na ang mga pagsubok. Kinagabihan at dahil walang magawa, ipinagpatuloy ko ang paggugupit ng papel. Dahil maaga pa magigising para makadalo sa Simbang Gabi, kaagad nang natulog.      

13 06 We only have six days left before Christmas Day.


December 20, 2017
Wednesday
Year V-354

11E-J. Nakakayamot lamang pagkat hindi tumunog ang alarm ng Cellphone, hindi tuloy ako nagising ng maaga't nakapagsimbang gabi. Gayunpaman ay hindi ako nanghihinayang pagkat marami pa namang pagkakataon upang makadalo sa Simbang Gabi at hindi na mahalaga kung hindi makumpleto, basta sinasaisip at diwa mo ang katuruan sa simbahan, hindi yung nagsisimba ka lamang, para lamang matupad ang kahilingan, hindi naman nakikinig at binabago kung ano ang hindi kanais-nais sa ugali. Sa sarap ng tulog, bandang Alas-otso na ko bumangon. Nakakabagot ang umaga kaya paggugupit ng mga papel ang pinagkaabalahan ko at paglalagay ng design. Sa sobrang abala't aliw na rin sa ginagawa, hindi namamalayang magtatanghali na.

11E-K. May follow up check up pa ko kay Doctora Dacayan kaya nang makapananghalian, agad nang nagbihis at naghanda-handa. Napakatrapik sa lansangang binabagtas lalo nang makapihit sa España Boulevard na halos wala nang galawan kaya medyo natagalan pa bago makatungtong sa UST Hospital. Wala pa ang Doctora Dacayan at dahil matagal-matagal pa ang paghihintay, naglibot-libot muna ako. Dakong Alas-dos nang dumating si Doctora Dacayan at kaagad namang tinawag. Halos ikalula ko nang magreseta muli ng panibagong gamot ang Doktora, panibagong labas nanaman ng pera.

11E-L. Hindi rin nagtagal ang Check up ko. Dahil Paskuhan ngayong araw sa UST, bulto-bultong mga estudyante ang nakasalubong at nagsidagsaan, maingay at masaya rin ang bawat kapaligiran na akala mo'y may piyesta. Balak sanang makisali sa kanilang taunang Paskuhan at manuod ng mga programa, kaso wala naman kasama kaya mas pinili na lamang umuwi. Bago umuwi, tumungo muna ng Computer Shop. Saktong naghihingalo na ang liwanang nang makauwi. Kinagabihan, mabusog ng labis sa dalang pagkain ni Papa na KFC. Kung makalantak ng manok, parang wala nang bukas at ngayon lamang nakakain. Sa kabusugan ay halos hindi na makakilos. Bago matulog at gawa na hindi pa dinadapuan ng antok, paggupit muli ng papel sabay lalagyan ng design ang napagkaabalahan. Maaga pa magigising bukas kaya hindi na nagpuyat pa.

12 05 We only have five days left before Christmas Day.


December 21, 2017
Thursday
Year V-355

11E-M. Sa katakawang matulog, bigo nanaman magising ng maaga kaya ang resulta, hindi nanaman nakapagsimbang gabi. Alas-kwatro na pala't sa halip na mag-utay-utay sa pagbibihis dahil mahuhuli na, ipinagpatuloy ko ang pagtulog. Bandang Alas-otso nang magising at bumangon. Gawaing bahay kaagad ang inatupag ko at nang makapaglinis-linis, saka lamang nakapaglibang sa panonood ng Telebisyon. Kinahapunan at dahil ngayong araw ang napag-usapan ng kagrupo sa Thesis para mag-revise at sa bahay nina Myrrh napagkasunduang isagawa, tumungo ako sa kanila. Pagkatungtong, saktong sarado ang condo unit na tinutuluyan nito. Kumatok ako, nagbabasakaling natutulog lamang ang lola niyo subalit walang nagbubukas, naghintay pa ko. Higit isang oras nang naghihintay subalit sa mga oras na iyon ay nanatiling sarado ang condo unit ni Myrrh. Parang ibig ko nang umuwi pagkat mukhang hindi na matutuloy ang napag-usapan namin. Maya-maya pa, nalaman-laman ko sa kanyang mga ka-roommate na may pinuntahan ito.

11E-N. Sa kabila niyon ay ipinagpatuloy ko ang paghihintay sa kanya pagkat wala pang balak umuwi, nagbabakasakaling darating ito. Nang Alas-kwatro at mapagtanto na hindi na sila darating, saka lamang ako nakapagpasyahang umalis. Pagkasakay ng todo, ikinayamot ko ang naging asta ng tricycle driver pagkat napaka-arogante't akala kung sino. Paano kung makapagsaway siya sa akin, parang ang laki ng kasalanan ko sa mundo. Nasasaway naman ako basta idaan sa magandang usapan, hindi yaong sisigawan ka't pagsasabihan pa ng kung ano-ano. Sa inis ko't pagkababa, nasagot-sagot ko siya kahit gurang na. Batid na mali ang aking ginawa na patulan siya, kaso ay hindi na ko nakapagpigil at nakakataas siya ng dugo! Pasalamat na lamang, hindi humantong sa gulo ang ginawa ko sa kanya. Pagkauwi'y saktong maghahapunan na kaya tamang-tama sa Sikmurang kanina pa nababalutan ng kagutuman. Kinagabihan, umiral nanaman ang malamig na panahon kaya hindi maiwasan ang mamaluktot kung walang kumot. 

11 04 We only have four days left before Christmas Day.


December 22, 2017
Friday
Year V-356

11E-O. Bandang Alas-dos nang magising ako at bumangon. Dahil may bibilhin, sa simbahan doon sa Novaliches Bayan ko naisipang idaos ang pagsisimbang gabi. Unang beses pa lamang ako magsimbang-gabi doon at dahil may kalayuan at madaling araw pa, walang ibang maramdaman ang loob kundi kaba't hindi maiwasang mag-isip ng hindi maganda subalit ipinanatag ang kalooban at inisip, hindi pababayaan ng Diyos na mapahamak. Dakong Alas-kwatro na ko doon nakarating at dahil patapos na rin ang misa, naisipang sa pang-alas-singko na lang dumalo. Habang hindi pa nagsisimula ang sumunod na misa, naghanap-hanap ako ng bibilhin. Masyado pang maaga kaya karamihan sa mga tindahan ay sarado, nahirapan tuloy sa pamimili. Pagpatak ng Alas-singko nang magtungo ako sa Simbahan. Sa naging Homily ni Father ay nalaman ko na si Virgin Mary ang kauna-unahan naging kristiyano, di dahil sa nanay nito ni Jesus kundi tagasunod na ito bago pa man niya ito isilang.

11E-P. Natutuhan ko na dapat, sa lahat ng oras ay Diyos lamang ang inuuna at sinusunod dahil mapapabuti ka kapag ginawa iyon. Unti-unti nang naghahari ang liwanag nang matapos ang Misa de Gallo. Bago umuwi ay ipinagpatuloy ko ang pamimili. Bandang Alas-siete nang ako'y makauwi't magkandaubos ang lakas habang naggagadgad ng mais at hindi pala biro ang ganung gawain. Nakakapagod man dahil ubos-lakas, nagkumahog pa rin ako nang matapos. Kapag may bagay kang ibig na makamit, mas masarap damhin sa pakiramdam kapag pinaghihirapan kaysa idaan sa paspasan. Matapos ang aking paggagadgad at nang maluto, nagkabunga rin ang pagpapagod. Sumunod ay paglalagay ng disenyo sa bawat papel na ginupit ang napagkaabalahan.

11E-Q. Pagpatak ng tanghali at dahil umiiral nanaman ang antok sa mga mata, hindi na mapigilan ang matulog. Napasarap ang tulog at ang ganda pa ng napaginipan kaya dakong Alas-kwatro na nagising. Kinagabihan at bukod sa dami kong tawa habang tinutunghayan ang programa ni Donna Cariaga na nagpapatawa, nakaka-touch kapag nilalahukan nito ng mga Hugot Words. Kahit hindi ko pa naranasan ang lumagay sa relationship, nakaka-relate pa rin sa mga hugot nito at daming halakhak sa paraan ng kanyang pananalita, panalong-panalo ang pagpapatawa kaya nga nanalo sa Funny One sa Showtime at kuhang-kuha ang atensyon ng manunuod. Dahil kay Donna, nagging masaya ang gabi ko’t kabagan sa kakatawa. Sa saya, napasarap ang panunuod ko kaya walang kamalay-malay na maghahating-gabi na’t kailangan nang matulog.     

10 03 We only have three days left before Christmas Day.

December 23, 2017
Saturday
Year V-357

11E-R. Huling dalawang Misa de Gallo subalit bigo muling makadalo dahil sa tinanghali ng gising, ang takaw ko kasing matulog. Ganap nang maliwanag sa labas at ako na lamang pala ang bukod tanging nakahilata sa kama kaya agad nang bumangon. Pagkaalmusal at dahil wala naman ginagawa, naisipang magbantay sa tindahan. Manaka-naka lamang ang bumibili sa kabila na magpapasko kaya hindi mapigilan ang mainip. Kinatanghalian at dahil nakakabagot manatili sa bahay, naisipan kong maglakwatsa. Sa bahay ng kaklase at kaibigang si Myrrh naisipang bumisita at namayani ang galak pagkat naroroon ito at hindi nasayang ang pagtungo ko. Bukod sa kanya ay kasama rin nito ang kanyang anak na wala pa sa isang taong at sarap hagud-haguran ang mukha dahil cute. Habang naroroon sa bahay ni Myrrh, walang ginawa kundi magpalitan ng kuro-kuro sa isa’t isa.
11E-S. Mahinahon itong magsalita na tipong pwedeng maihalintulad kay Maria Makiling na napakahinhin subalit naiibigan pa rin kausapin ito pagkat nakikinig at inuunawa ang aking sinasabi. Sa sarap nang pananatili, tumagal pa ko’t sa kanila na rin nagmeryenda. Pagkapanuod sa kanilang Telebisyon ay parang nabiyak ang puso nang matunghayan na walang awing sinasaktan ng lalaki ang kasintahan nito at kinukulong pa. Bukod pa roon ay ginahasa pa nito at nang mabuntis ay ipinapalaglag ang bata subalit hindi pumayag ang babae at lumaban. Nagpuyos ang damdamin ko’t masama man ito ay ang sarap niyang patayin pagkat napakademonyo. Kung ako sa babae, hindi na hahayaan pang magdusa sa kamay ng lalaki at hindi magdadalawang-isip na hiwalayan kahit mahal ko pa ito dahil mas gugustuhin pang mabuhay kaysa makasama ang taong nagbibigay pasakit sa’yo sa pang-araw-araw.

11E-T. Mga bandang Alas-singko nang magpaalam na ko kay Myrrh. Wala pang balak umuwi kaya tumungo pa sa Ever Gotesco Mall at nagtingin-tingin sa Expression ng mga aklat. May napili akong ibig na bilhin, kaso makabutas-bulsa ang presyo kaya hanggang tingin na lamang. Ganap nang sumapit ang gabi at gustuhin pa man mamasyal pa subalit kailangan nang umuwi. Habang naglalakad ay nahirapan ako sa pagkilos pagkat maraming nakakasalubong na tao at siksikan. Ganito pala sa lansangan tuwing Kapaskuhan, bukod sa traffic ay hindi rin mahulugang karayom ang dagsa ng madla’t halos hindi ka na makahinga pagkat naghalo-halo na ang malalanghap at polusyon pa mula sa mga sasakyan. Sa kabila na sapalaran ang makipagsiksikan habang naglalakad, ligtas pa rin namang nakauwi ng bahay. Nababagot ako kaya nakakapagod man ay paggagadgad muli ng mais ang napagkaabalahan. Maaga pa magigising bukas pagkat may lakad kaya kahit may kaingayan ang kapaligiran dulot ng Disco sa Covered Court ay kaagad nang natulog.    

09 02 We only have two days left before Christmas Day.

December 24, 2017
Sunday
(Christmas Eve)
Year V-358

11E-U. Magdamag na binayo ng pagkasabik ang aking dibdib, dahilan kung bakit hindi na nakatulog. Alas-dos pa lamang, bumangon na ko. Ang bilis talaga ng panahon, hindi akalaing nasa huling araw na ng Misa de Gallo at Bisperas na rin ng Pasko. Hindi ko man nakumpleto ang siyam na Simbang Gabi, umaasang matutupad kung anuman ang naisin sa buhay nang hindi namamalayan. Kahit may kalayuan, sa Simbahan muli doon sa Novaliches Bayan ko naisipang magsimba’t sa sobrang trapik kahit madaling araw pa lamang, dakong Alas-singko na nakarating doon. Saktong nagsimula na ang misa’t patungkol sa pagtatiyaga ang nagging homily ng padre. Naiingit ako sa mga taong may matatag na pananampalataya sa kabila ng mga kinakaharap na sa pagsubok at sana’y maging katulad nila na hindi madaling sumuko. Aminado akong mabilis panghinaan ng loob kapag may problema lalo na kapag nai-stress at hindi na alam ang gagawin subalit sinusubukan pa rin maging matatag at panatilihin ang pag-asa sa loob.

11E-V. Nakakatuwa dahil hindi akalaing nakaya kong lampasan lahat ng dumating na pagsubok at sana kayanin pa ang mga darating pa. Hindi ko na tinapos pa ang misa’t dagliang tumungo sa Talipapa pagkat Alas-sais na ang alis namin ng Tita Susan patungo kina Ninang Reden. Pagkatungtong kina Tita Cleo, saktong nagbibihis at handa pa lamang si Tita Susan samantalang lahat sa kanila ay tulog na. Nang makapaghanda-handa’y wala nang sinayang pang oras at gumayak na kami. Dahil Linggo, hindi naman naging pahirapan sa amin ang makasakay sa MRT at hindi rin siksikan, iyon nga lang ay wala naman maupuan. Sa layo ng biyahe patungo sa kanila at trapik pa sa ilang lansangang aming nadaanan, dakong Alas-nuebe nang makatungtong kami sa bahay ng Ninang Reden doon sa Cainta, Rizal.

11E-W. Manlaki ang mata ko pagkat malamansyon ang bahay nila’t kailangan hindi padaskol-daskol sa pagkilos at baka makabasag o makapaminsala ng kagamitan, karamihan pa naman sa kanilang kagamitan ay halatang iniingat-ingatan. Dahil unang beses pa lamang makatungtong sa bahay ng Ninang, nakaramdam ako ng hiya sa habang ipinipihit ang yapak papasok. Saktong naroroon naman si Ninang Reden, maging si Lola Nelly at mga pinsan ko na sina Nikko at Julia. Kaagad akong nagmano kay Ninang Reden at binati ito. Masaya ako dahil magaling na ang ninang mula sa sakit na sa tingin ay napakaseryoso at hindi ito pinabayaan ng Diyos. Patuloy na namamayani ang hiya kaya hindi ako makapagkwento ng lubusan habang kaharap sila’t madalas ay natutulala, nakaka-out of place din dahil sa napag-uusapan nilang bagay na hindi ko alam.

11E-X. Sa pananalita ng Ninang Reden, iisiping matalino ito at palabang nilalang na kahit na sino’y hindi sasantuhin subalit may hindi nga lang ako nagustuhan sa kanya, iyon ay parang dinidiktahan sa mga kagustuhan at pangarap ko habang kausap ito. Gayunpaman at hindi man makomportable’y nakisama pa rin at nakinig kung ano ang kanilang talakayan para mas lalo pang makilala. Bukod pa roon ay matikulosa rin ang Ninang at ayaw niyang magtitira kami ng pagkain, nai-intimidate na tuloy ako. Ang kaninang ako na halos wala nang maipakitang mukha sa hiya, nabawasan nang umalis sina Ninang Reden sa mesa. Kami na lamang ng Lola Nelly ang natira at awang-awa sa kanyang kalagayan pagkat hindi na ito nakakatayo dulot ng Stroke. Gayunpaman ay nakakausap pa rin ito at napalitan ng aliw ang kaninang nababagot pagkat siya lamang ang kakwentuhan ng mga oras na iyon.

11E-Y. Kung magkwentuhan kami ng Lola Nelly, parang malapit na ang loob sa isa’t isa at dami kong nalaman at natutuhan mula sa kanya. Napasarap ang kwentuhan naming maglola kaya hindi namamalayang magtatanghali na pala. Gawa na namamayani ang antok, umidlip muna ako. Kinahapunan nang dumating ang iba ko pang pinsan na si Margot at sumunod naman sina Paolo at Regine (Napao) kasama ang kanilang nanay na si Tita Ludy. Habang pinagmamasdang magkakasama ang mga pinsan ko, sumagi bigla sa aking ala-ala ang mga panahong kalaro ko sila nung mga paslit pa lamang kami at napakasaya naming magkakasama. Ngayong malalaki na’t may kanya-kanya nang tinatakbo sa buhay, marahil ang ilan sa mga pinsan ay hindi na ko kilala o nakalimutan na. Hindi ko akalain na 15 years na pala ang nakakaraan magmula ng mga kalaro ko pa sila. Pinapangunahan talaga ako ng hiya, lalo na’t mga Sossy sila kaya hirap makisama sa mga pinsan at madalas ay nasa iisang tabi lamang. Napapanis din ang laway pagkat walang mangahas na kumausap.

11E-Z. Walang magawa kaya kahit hindi sariling bahay, umakyat muna ako sa rooftop. Habang nasa rooftop ay kitang-kita ang iba’t ibang magagandang tanawin at parang buong Cainta ay tanaw na tanaw. Malakas din ang hangin kaya sarap manatili. Mga dakong Alas-singko nang magpaalam na kami ng Tita Susan sa kanila at bago umalis, lumigaya ang Pasko ko nang pamaskuhan ng Ninang Reden ng pera. May natanggap din ako mula kina Tita Sabel at Tita Ludy kaya nag-uumapaw sa kaligayahan ang aking Pasko at laking pasalamat sa maykapal sa biyayang natamo. Sa sobrang layo ng aming biniyahe, ginabi na sa pag-uwi. Dahil bisperas ng Pasko, kaliwa’t kanan na ang tugtugan at kabi-kabilaang mga Party, wala na nga halos marinig. Wala kaming ibang ginawa kundi magtiyaga pagkat lilipas din naman iyan. Gustuhin ko man magpuyat upang hintayin ang Noche Buena mamayang hatinggabi at salubungin ang kapanganakan ng ating maykapal, kaso mugtong-mugto na ang mata dala ng pagod kaya hindi na napigilan pa ang matulog.               

08 01 We only have a day left before Christmas Day.


December 25, 2017
Monday
(Christmas Day)
Year V-359

11F-A. Matapos ang mahabang panahong paghihintay at pagbibilang, sa wakas ay dumating na rin ang araw na pinakamasaya para sa halos lahat ng Kristiyano, ang pagdiriwang ng Pasko. Natatangi ang araw na ito’t animoy maihahalintulad sa nilalang na makapangyarihan dahil nababago ang lahat. Ang mga hindi nagkakaunawaan, nagkakasundo’t lalo pang naipamamalas ang pagmamahal ng bawat isa sa tuwing Pasko. Bukod pa roon ay marami kang biyayang natatanggap mula sa mga Ninong o Ninang o di kaya’y sa mga taong nagmamahal sa’yo. Ang Pasko ay panahon ng pagbibigayan at pagpapatawad. Kung ganito ang pangyayari sa tuwing sasapit ang araw na ito, sana’y araw-araw ng Pasko upang maghari ang kabutihan at kapayapaan, hindi kasamaan na talamak sa panahon ngayon. Ang hiling ko lamang ngayong Pasko, sana ay maging maganda ang kapalaran ko sa darating na 2018.

11F-B.Bukod pa roon ay maging malusog at magkakasundo ang aking pamilya. Kung anuman ang hindi maganda sa akin, nawa’y mawala na at tulungan ng Diyos sa mga hakbang na tatahakin upang makamit ang lahat ng minimithi sa buhay. Sa sarap ng tulog, kasing sarap ng Hamon, mga dakong Alas-siete na nagising. Umaga pa lamang, wala nang ibang Makita kundi mga batang nakabihis na pakalat-kalat upang mamasko sa kanya-kanyang mga Ninong o Ninang at akay-akay ng magulang o nakakatanda sa kanila. Basta Paskong Pinoy, naiiba pagkat masaya at makulay sa kabila na hindi na magkandamayaw at maiwasan ang gulo. Dahil mga pawang pagod kagabi, ngayon lamang nakapagluto si Mama ng panghanda. Nang makaluto, oras na upang magkainan at busugin ang sarili ng may saya ngayong Pasko. Spaghetti, Fruit Salad, Hamon at Cake lamang ang naging handa namin at sa dami nagkahalo-halo na nga, mukhang hindi na magagawa pang mananghalian.

11F-C. Ilang sandali pa, nagsidatingan na ang mga maliliit kong pinsan mula sa Taas, as usual upang humingi ng Aguinaldo kina Mama. Ang bahay na kanina nababalutan ng katahimikan na tila walang kabuhay-buhay, umingay dahil sa mga pinsan ko. Paskong-pasko at marami akong napamaskuhan subalit tila hindi ako masaya, tila may kulang at hindi ko maunawaan kung bakit ito nararamdaman. Gayunpaman, sana maidaos pa rin ang Pasko na punong-puno ng saya. Medyo nababagot ako kaya sa halip na tumingin sa kawalan, umidlip muna. Saktong sumapit na ang Alas-onse nang ako’y magising. Nakakabagot kung mananatili lamang sa bahay at idaraos ang Pasko na nakatunganga kaya naisipan kong maglakwatsa.

11F-D. Napakarami kong napamaskuhan na umabot na nga sa dalawang libong piso at sa dami, palaisipan kong ano ang bibilhin pagkat ang gusto ko sa bagay na mabibili ay yung tipong bukod sa magiging maligaya ako, may mapapala’t mapakikinabangan. Tumungo ako sa SM Fairview at kaagad na dumeretso sa National Bookstore. Naging praktikal ako sa pagpili ng bibilhin sa takot na manghinayang sa huli’t mauwi sa wala ang napamaskuhan. May nabili naman ako, iyon nga lang ay iisa pagkat walang mahanap na gusto. Sa dami ng dalang pera, anumang bagay na naising bilhin, mabibili subalit marami pang ibig na bilhin kaya hindi basta-bastang ginasta. Tumungo pa ko ng Fairview Terraces upang ipagpatuloy ang pamimili subalit maging doon ay wala akong maibigang bilhin. Damang-dama na talaga ang kapaskuhan at maging sa Fairview Terraces na kakaunti lamang ang tao kumpara sa katapat nitong SM Fairview, hindi na rin mahulugang karayom sa dami at pami-pamilya silang namamasyal.

11F-E. Hindi ko maiwasan ang mainggit pagkat buti pa sila, may family bonding at sama-sama pang manunuod ng sine, samantala ang pamilya ko, walang hilig sa mga ganyan sa tuwing papatak ang ganitong okasyon. Hindi na ko nagtagal pa at gawa na wala pang balak umuwi, may kalayuan man ay naisipan kong tumungo sa bahay nina Nikki. Pagkarating, nadatnang sarado ang bahay nila. Kumatok ako at naghintay, nagbabakasaling may magbubukas subalit walang ni isa ang nagpakita maging si Nikki, umalis na lamang ako. Nasayang lamang ang pagparoon ko sa kanila’t dapat ay hindi na lang pumunta. Naging pahirapan sa akin ang makahanap ng masasakyan pauwi kaya abutin ng higit isang oras bago makasakay. Nakasakay man, hindi naging madali ang sitwasyon pagkat tayuan at pahirapan ang makakilos, nakakangalay. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi. Patapos na ang pagdiriwang ng Pasko, subalit balot pa rin sa kaingayan ang buong kapaligiran dulot ng kabi-kabilaang tugtugan at karaoke.

11F-F. Masaya at payapa man na naipagdiwang ang Pasko para sa karamihan sa atin, may mga pangyayari pa ring hindi kanais-nais at masalimuot gaya ng aksidente. Parang niyuping lata ang puso ko nang mapanood sa balita ang naganap na aksidente sa Agoo, La Union na kinasawi ng dalawang pung katao. Nakakalungkot isipin na sa mismong araw pa ng Pasko nagana pang ganong kalagim na insidente at magpapamilya pa ang nakaltasan ng buhay. Bukod pa sa aksidente, may nasunog namang Mall doon sa Davao at marami rin ang nasawi. Wala ngang pinipiling araw o panahon ang mga kalagim-lagim na kaganapan at kailangan maging maingat at responsible upang hindi mauwi sa pagluluksa ang dapat sana’y masayang okasyon. Kahit simple ko lamang na nairaos ang Pasko na hindi gaya ng iba na abot langit ang saya, nagpapasalamat pa rin dahil hindi iyon nangyari sa akin at sa pamilya. Kahit na hindi pa rin naiwasan ang mga masalimuot na pangyayari, manatiling maligaya pa rin ang Pasko.         

 07 Pitong araw na lang, Bagong Taon na. Merry Christmas!


December 26, 2017
Tuesday
Year V-360

11F-G. Hindi akalaing nakaraos tayo sa pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong naman sa Bagong Taon ang pinaghahandaan. Kay bilis talaga ng panahon, parang kalian lamang nang pumasok ang taong ito, tapos dadako nanaman sa panibagong taon at nawa’y palarin sa darating na 2018. Batid kong may mga darating pang mga pagsubok subalit makakaya basta panatilihin lamang ang pananalig. May kaliwanagan na sa labas nang magmulat ang mata mula sa mahimbing na pagtulog at daglian nang bumangon. Dahil may pinuntahan ang ilaw ng tahanan, ako muna ang namahala sa tindahan. Habang naghihintay ng mamimili, naisipan kong magbasa-basa. Ang kapaligiran na animoy Piyesta sa dami ng mga tao na pakalat-kalat at kaliwa’t kanang tugtugan at kasiyahan kahapon, balik sa dating gawi’t animoy Undas pagkat tahimik. Ipinagpatuloy ko ang pagtitinda hanggang sa magtanghali at dahil walang magawa, matapos mananghalian ay nag-Siyesta na lamang ako. Hindi lamang ako makatulog gawa na nabirit si Ama sa karaokehan. Nawala na ang antok sa mga mata kaya sa halip na gugulin ang sarili sa maghapong pagtulog. Ilang sandali pa nang dumating si Mama na may dalang pasalubong at pinagsalu-saluhan naming. Kinagabihan at dahil hindi pa makatulog, bilang libangan ay nagbasa-basa ako. May kalaliman na rin ang gabi nang mapagpasyahang matulog.

06 Anim na araw na lang, Bagong Taon na.


December 27, 2017
Wednesday

Year V-361

11F-H. Madaling araw nang magwakas ang mahimbing na pagtulog dahil sa alarma ng Cellphone. Inaantok pa ng lagay at may kalamigan din ang panahon kaya ipinagpatuloy ko ang pagtulog. Ganap nang sumapit ang Alas-siete nang magising at bumangon. Muling dumapo ang pagkabagot sa aking katawan kaya naisipang magbasa-basa. Kasarapan ng aking pagbabasa nang udyukin ni Mama na samahan ito sa pamimili ng panibagong paninda. Sasama dapat ako sa kanya, kaso mas nais na ako na lamang ang bumili kaya nagpresinta. Hindi ko na inasahan na makakarinig ng hindi kagandahang salita mula kay Mama na animoy nangmamaliit sa kakayahan ko kaya nakaramdam ng pagkainsulto. Naghihimutok ang dibdib ko sa sinabi niya kaya nagmatigas habang pinipilit na sumama sa kanya.

11F-I. Sa huli, siya na lamang ang mag-isang umalis at labis na ikinaapekto ang sinabi nito. Ibinuhos ko na lamang sa pagwawalis ang pagkayamot at habang nagdaramdam, biglang napagtanto na baka kung ano ang mangyari kay Mama't nakakabagabag ng konsensiya, sa sobrang pag-aalala ko, labag man sa kalooban ay sinundan ito. Naiinis ako sa sarili pagkat nagpauna sa emosyon, hindi man lang tumimo sa isipan ang maaaring kasapitan ni Mama, lalo na't hindi pa ito maari magbuhat ng mabibigat dahil kagagaling lamang sa operasyon at baka mawakwak ng wala sa oras ang matres nito, hindi ko mapapatawad ang sarili kapag naganap iyon. Sa kakahanap kay Mama, nakaabot na ng palengke subalit hindi pa ito namamataan. Marahil ay umuwi na ito kaya bumalik na ko.

11F-J. Pagkarating at tingin sa isang grocery doon sa Ison Site, saktong naroroon si Mama na bumibili, hinintay ko ito. Pagkalabas ay wala nang ano-ano pang kinuha ang mga pinamili niya at binitbit. Ni hindi na nga ito nagawang kausapin sa tampo ko. Pagkarating ng bahay, paglalagay ng mga paninda ang pinagkaabalahan nang walang marinig sa kanya. Isa sa pinakaayawan ko sa tao ang hinahamak ang aking kakayahan, wala pa ngang napapatunayan. Marunong akong tumanggap ng kritisismo kung alam sa sarili na totoo iyon, huwag lang na tipong nahuhusgahan. Kinalaunan ay nawala naman ang aking pagkayamot at hindi na dinibdib pa ang sinabi ni Mama. Balak ko sanang maglaba pagkat walang magawa, kaso maulan ang panahon. Kinahapunan at dahil bakasyon grande, tanging panonood lamang ng telebisyon ang libangan hanggang sa pagsapit ng gabi. Nang mamayani ang antok, saka lamang napagpasyahang matulog.  

05 Limang araw na lang, Bagong Taon na.

December 28, 2017
Thursday

Year V-362

11F-K. Tinanghali muli sa paggising gawa na napasarap sa pagtulog at maganda ang napaginipan. Ang kahapong maulan, kasalungat ngayong maaliwalas kaya ginaganahan gawin kung ano ang ibig ng may sigla. Nang makapag-agahan, daglian muli ako sa pagtitinda. Anong tumal ng mga bumibili kaya may panahong gawin ang ibig gaya ng gawaing bahay at pagbabasa. Dahil may lakad ngayong araw, pagsapit ng Alas-onse ay nagbihis-bihis at handa na ko. Bago magtungo sa pupuntahan, naisipan munang magkumpyuter. Hindi ko ibig ang umuwi at manatili sa bahay pagkat batid kong ikakasuya lamang ang ingay dulot ng isinasagawang party ng kapit-bahay, nag-isip-isip kung saan muna magpapalipas. Matapos magkumpyuter, tumungo ako sa Ever Gotesco Mall upang ipamili ang napamaskuhan. Sa una ay nagugulahimanan ako kung ano ang bibilhin hanggang sa maisip na Speaker, total ay mahilig naman ako making ng musika at para maaliw-aliw habang nagpapatugtog.

11F-L. May de-bluetooth na Speaker at ikaririndi mo kapag pinatugtog pagkat malakas, kaso makabutas bulsa ang presyo kaya naghanap-hanap ng mas mura pero swak naman kung gamitin at matibay. May nahanap naman akong mura doon sa CD-R King, ang kaso’y hindi siya de Bluetooth, hindi rin rechargeable at kailangan nakasaksak kapag gagamitin. Hindi ito convenient kapag ginamit kaya napagpasyahang huwag nang bilhin. Tumungo muna ako sa Expression at nagtingin-tingin ng mga babasahin. Nang makapili, daglian nang umalis. Pagkalabas ng Expression ay saktong may nakita akong mga nagtitinda ng Speaker, namilimili na ako. Naging pahikan at matikuloso ako sa pamimili para walang pagsisisi sa huli’t sulit na sulit sa bulsa.

11F-M. Kinalaunan ay may napili na ko’t namayani ang tuwa sa dibdib pagkat bukod sa abot-kaya ng bulsa, de-bluetooth pa ito’t malakas kapag pinatugtog na kahit itodo’y hindi basag. Batid kong maingay sa bahay kaya hindi pa talaga ibig ang umuwi at gusting maglakwatsa muna hanggang gabi. Balak ko sanang magtungo sa bahay nina Nikki o kina Ate Anne at doon muna manatili kung sakali sa kanila, kaso nag-aalangan ako sa pera’t baka kulangin. Mukhang ikakabagot ko naman kung mananatili pa sa mall kaya labag man sa kalooban, umuwi na lamang ako. Pagkauwi’y hindi nga nagkamali pagkat maingay na, nakaharap pa man din sa amin ang karaoke kaya rinding-rindi na sa ingay ng mga kumakanta.

11F-N. Dakong Alas-singko nang magsimula ang sinasabi nilang Christmas Party kaya lalo pang nadagdagan ang ingay. Sa halip na magreklamo, nanatili na lamang sa kusina kung saan malayo sa ingay at nilibang ang sarili sa panonood ng telebisyon, pasulyap-sulyap din sa kung ano ang nagaganap sa kanilang party at ang saya, hindi tuloy maiwasang mainggit at ibig kong makilahok sa kanilang palaro, kaso hindi naman imbitado. Tumagal ang kanilang Party hanggang gabi. Medyo nababagot ako’t sa halip na lunurin ang sarili sa pagkainggit, nilibang na lamang ang sarili sa pagpapatugtog gamit ang pinamiling bagong Speaker. Ang saya-saya habang ako’y nagpapatugtog at pakiwaring walang dala-dalang problema, sana ganito na lamang palagi. Nang magsawa’y saka ko lamang itinigil ang pagsasaya. Hindi pa makatulog, kaya nagbasa-basa ako ng kwento. Maghahating-gabi na rin nang mapagpasyahang matulog.   
    
04 Apat na araw na lang, Bagong Taon na.

December 29, 2017
Friday

Year V-363

11F-O. Anumang pilit na magising ng maaga ay tinanghali pa rin ako’t saktong tirik na ng husto ang araw. Tatlong araw na lamang bago sumapit ang Bagong Taon subalit kapansin-pansin wala nagpapaputok, kung mayroon man ay bibihira lamang at mga mahihinang uri na lamang, hindi gaya ng mga nakaraang taon na kaliwa’t kanan ang nagpapaputok at magulantang ka pagkat malalakas. Tila naging epektibo ang ipinatupad na naglilimita sa paggamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon at maigi iyon, nang sag anon ay mabawasan ang mga maaring biktima. May maganda man maidudulot ang pagpapatupad ng batas laban sa paggamit ng paputok, parang hindi masaya ang pagsalubong sa Bagong Taon kapag walang mga paputok o bibihira.

11F-P. Gayunpaman ay maging masaya sana ang aking Bagong Taon at punong-puno ng pag-asa. Nang makapagkape ang lola niyong kababangon lamang kahit nagmumuta pa ang mata, walang magawa kaya pagtitinda muli ang napagkaabalahan. Gaya ng mga nakaraang araw, bibihira lamang ang bumibili kaya isinabay ko na ang gawaing bahay. Ako ang namahala sa tindahan hanggang sa magtanghali. Namayani nanaman ang antok sa mga mata kaya ano pa nga ba kundi matutulog. Sa katakawang matulog, ang resulta'y malapit nang sumapit ang gabi. Balak ko sanang gumala ngayong nababagot, kaso nakakatamad ng lagay kaya mas piniling manatili na lamang sa bahay at tinulungan si Mama sa pagtitinda. Kinagabihan, tamang soundtrip lang gamit ang Speaker. Labis ang aking pagkawili kaya hindi namamalayang nakakadalawang oras na palang nagsa-soundtrip. May kalaliman na ang gabi't taimtim na rin ang kapaligiran kaya kinailangan nang matulog.

03 Tatlong araw na lang, Bagong Taon na.

December 30, 2017
Saturday

(Rizal Day)
Year V-364

11F-Q. Dalawang araw pa bago sumapit ang Bagong Taon at bago dumako sa panibagong taon ay gugunitain muna ang araw kung kailan pinaslang ang ating pambansang bayani, si Gat Jose Rizal. Gaya ni Andres Bonifacio ay napakalaki ng kanyang kontribusyon para mapalaya tayo sa kamay ng mga Kastila. Nabigo man siya na napalaya tayo dahil pinaslang ito, hindi naman matatawaran ang kabayanihang ipinakita nito. Ganap nang sumikat ang haring araw nang magmulat ang mga mata. Sa halip na nakangiting umaga ang sumalubong sa paggising ay pagkabahala pagkat hindi raw makatulog si Mama dulot ng namamayaning kaba na kahapon pa nararanasan. Hindi lamang na pangkaraniwang kaba pagkat para bang kumakabog ang kanyang dibdib at may mga oras na lumalapit sa akin o kina Papa. Hindi ko maunawaan kung bakit kinakabahan si Mama at hindi makatulog, marahil ay gawa ng kung ano-ano ang iniisip.

11F-R Sumipa ang aking pagkahabag kaya walang ginawa kundi pahupain ang kaba ni Mama. Sinabi ko sa kanya na iwasan ang pag-iisip ng kung ano-ano't ipinatag ang kalooban. Lahat ng naisip na paraan, sinubukan ko na subalit kinakabahan pa rin si Mama. Gulong-gulo na nang panahon iyon at nai-stress pagkat hindi na alam ang gagawin sa kanya, subalit nagpakatatag ako pagkat pagsubok lamang ito. Dahil parang nawawalan sa katinuan ang ilaw ng tahanan at kailangan niyang makapagpahinga, ako muna ang namahala sa tindahan. Kung kailan magbabagong taon, saka naman nangyayari ang ganitong bagay sa amin. Para iwas-bagot, naisipan kong magpatugtong nang sa ganon ay malibang-libang at aliw sa kabila na may kinakaharap na suliranin. Maging sa hapon ay ako ang nagbantay sa tindahan.

11F-S. Ang inakalang ayos na matapos ipasyal ng ate si Mama, nagkakamali pagkat patuloy siyang kinakabahan at nangangamba. Napapaisip na tuloy na baka may Anxiety Disorder na si Mama at kailangan nang ipatingin sa Psychiatrist subalit bilang Psychology Student, kailangan ko muna siyang obserbahan. Habang dumadaing si Mama ang paghampas ng pag-aalala sa dibdib at awang-awa na pagkat sa aking nakikita'y nahihirapan na si Mama. Bukod sa kinakabahan ay nagiging kakaiba na rin ang kanyang kinikilos kaya lalong sumidhi ang pag-aalala. Wala nang maisip na ibang makapitan kundi dasal kaya nagdasal ako, nang sa ganon ay bumalik na sa dati si Mama. Pagsapit ng gabi at kahit bukas pa sasalubungin ang Bagong Taon, wala nang humpay sa paghipan ng torotot ang mga bata kaya ang kapaligiran, balot sa kaingayan dulot ng torotot.

11F-T. Hirap na makatulog ng masarap si Mama dahil sa ingay ng mga torotot kaya sinaway ko sila. Sa halip na mapagsabihan, lalo pang nag-iingay na tila ba nang-aasar kaya nagliyab ang dibdib ko't tahasan silang kinompronta. Lalo pa kong nabuwisit dahil sa katwiran nilang pabalagbag kaya muntikan nang ipamalas ang langitngit na kanina pa dala-dala ng dibdib at gamitin ang kamao, subalit nagawa pa ring pigilan ang sarili. Pasalamat sila't nakapagtimpi pa ko, kung hindi'y mga wakwak at sugat sugat na ang kanilang mga pagmumukha! Nang si Papa at Ate Lorlie na ang magsaway, saka lamang sila nasabihan subalit maya't maya may nagtotorotot at tila ba hindi sila maawat. Umayos naman ang kondisyon ni Mama habang unti-unting lumalalim ang gabi kaya napanatag ang kalooban at dalanging makatulog na siya at maayos na bukas.

11F-U. Walang magawa kaya naisipan kong manuod ng Telebisyon. Habang tinutunghayan ang isang kwento sa Magpakailanman, patungkol sa isang tao na si Erwin na may kondisyon na kung tawagin ay Osteogenesis Imperfecta, isang sakit na kung saan habang tumatanda ay unti-unting nababali at rumurupok ang mga buto, na-inspired ako dahil sa kabila ng kanyang kondisyon ay hindi naman iyon naging hadlang para hindi matupad ang kanyang pangarap na maging Painter at naging matatag siya at inisip na normal gaya natin. Nakakabilib ang naging buhay ni Erwin at makatulong sana sa mga taong napanghihinaan na ng loob.  
  
02 Dalawang araw na lang, Bagong Taon na.

December 31, 2017
Sunday
(New Year's Eve)
Year V-365

11F-V. Huling araw na para sa taong 2017. Alas-dose nang madaling araw ay nagising ako dahil sa tunog ng mga paputok. Wala pa man sa salubong ng Bagong Taon, may mangilan-ngilang putok ng naririnig sa kalawakan. Bukod sa mga paputok, dinig ko rin ang ingay ng mga kabataang tambay. Kung makapag-ingay sila, tila walang pasintabi sa mga natutulog na at masyadong nakakabulahaw, sarap hagisan ng labintador nang magsialisan. Saka lamang namayani ang katahimikan nang magsialisan ang mga buwisit na kabataan subalit nang Alas-tres, nagsibalikan ang mga tambay. Hindi na tuloy makatulog dulot ng kabataang naghahasik ng kaingayan. Pinagsabihan na sila ni Papa, subalit parang mga teyngang kawali pagkat hindi nakikinig, kababastos at napakawalang modo! Saka lamang nagsialisan ang mga tambay nang may nagwalang isang kapit-bahay dulot ng pagkairita.

11F-W. Dapat maging sa Sabado ng gabi o Linggo ng madaling araw, ipatupad din ang Curfew nang sa ganon ay walang kabataang patambay-tambay at nakakapaghasik ng kaingayan. Bandang Alas-kwatro nang makuha ko ang aking pagtulog. Mga tunog ng mga torotot ang tumapos sa nahihimbing na pagtulog. Alas-otso na pala ng umaga kaya hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa pagbangon. Ang kahapon na hindi na halos alam ang gagawin dahil parang nasisiraan na ng bait si Mama, ngayon masigla na ito't nakakausap na nga. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil maayos na si Mama at nawa'y magtuloy-tuloy na upang maging maligaya ang pagsalubong namin sa Bagong Taon at walang kinakaharap na problema. Kahit bumabalik na sa dati si Mama, parang hindi pa rin ako nakukumbinsido't marahil ay ipinapakita lamang niya na ayos ito para di kami mag-alala nang husto. Dahil abala sina Mama sa pagluluto nang panghanda para sa Media Noche, ako muli ang namahala sa tindahan.

11F-X. Dahil Bisperas ng Bagong Taon, naging malakas ang bentahan, hindi na nga halos magkandaugaga pagkat nagkasunod-sunod ang bumibili. Natataranta man, masaya dahil maraming pera ang pumapasok at mukhang magiging bwenas ang pagpasok ng Bagong Taon. Nakakatuwa dahil sa aking pakiwari ay ang taong 2017 ang pinamasaya para sa akin pagkat maraming hindi malilimutang mga karanasan sa taong na msasaya, kahit may masasakit din at pagsubok. Nawa'y maging mas kaaya-aya pa ang susunod na taon at maging mapalad. Hindi man namin makakasama si Papa sa pagsalubong sa Bagong Taon, hindi naman nalulungkot dahil may makakasama kami at siya si James (Gallardo) na pinsan raw namin sa Cagayan na anak ng Tito Ariel sabi sa amin ni Mama. Bago pa man magtanghali nang dumating ito't dahil ngayon lamang siya nakilala, balak sanak kausapin o kilalanin pa, kaso pumipigil ang hiya. May hitsura rin kahit papano at dinaig pa ang babae kung ito'y mag-ayos-ayos.

11F-Y. Tanghaling tapat na, subalit hindi pa rin nakakaligo gawa na abala sa pagtitinda, ni halos hindi na nga makaalis. Pagpatak ng hapon ay saka lamang nakaalis upang bumili ng Cake. Habang binabagtas ang lansangan patungo sa Ever Gotesco Mall, hindi halos makakilos sa dami ng mga tao. Karamihan sa mga ibinebenta't patok na patok, mga torotot at bilog na prutas na kahit saan lumingon, masusumpungan. Mangilan-ngilan lamang ang nagbebenta ng mga paputok. Nag-iba na nga ang paraan sa pagsalubong sa Bagong Taon, dati ay talamak ang bentahan ng mga paputok at maging mga malalakas gaya ng Pla-pla, Kabasi at Super Lolo, lantarang ibinebenta, ngayon ay puro pailaw na lamang ang makikita gaya ng Aerial Fountain at wala nang mga Piccolo maging Kwitis. Nabawas-bawasan man ang mga Paputok na dati'y primera klaseng pinapaputok ng karamihan, umaasang magiging masaya at makulay pa rin ang darating na Bagong Taon.

11F-Z. Pagkarating ng Red Ribbon, nagulat ako pagkat kasing haba ng buhok ni Rapunzel ang pila't sa dami ng bumibili, mukhang nagkakaubusan na ng Cake. Mukhang aabutin ng siyam-siyam kung pipila pa kaya naisipang sa loob na lamang ng Ever Gotesco Mall bumili. Maging doon, may kahabaan rin ang pila kaya sa Goldilocks na lamang bumili ng Cake. Ang hirap nga naman kapag ganitong Peak Season, kailangan maging maagap para hindi maunahan. Kahit mahaba rin ang pila, mabilis naman ang usad kaya kaagad na nakabili. Sa pagod ay diretso pahinga ako pagkauwi nang sa ganon ay magkaroon ng lakas sa magdamagang gising. Pagkagat ng dilim ang pagsisimula ng kaliwa't kanang tugtugan at kasiyahan. Sa halip na mga paputok ang pagdiskitahan ng mga kabataan ay mga torotot na, kaya safe na safe ang maglakad at walang labintador na bigla-bigla na lamang puputok sa 'yong harapan kahit halos marindi na sa ingay ng mga torotot. Nagpapaputok pa rin, subalit mangilan-ngilan na lamang. Dahil hindi makalayas gawa na walang ibang maasahan sa pagtitinda, gumawa ako ng paraan para kahit paano'y maging masaya ang pagdiriwang ng Bagong Taon.

11G-A. Kahit mukha nang sira dahil mag-isang nasayaw, wala nang pakialam dahil minsan lamang ito sa Bagong Taon. Sa tana ng buhay ko sa tuwing magbabagong taon, ngayon lamang hindi nakalayas para magtungo sa bahay ng mga kaibigan at maki-jamming sa kanilang party. Gayunpaman ay hindi na mahalaga iyon dahil marami pa namang darating na pagkakataon upang maging maligaya at wala dapat ikainggit sa mga kasing edad ko na nagliliwaliw at lunod sa saliw ng sayaw kasama ang kabarkada. Habang palalim ang gabi't unti-unting nauubos ang oras para sa taong ito, palakas nang palakas ang mga bumibili, kaya hindi na magkandaugaga. Pagpatak ng Alas-onse, isang oras bago sumapit ang Bagong Taon nang magsimula na ang putukan kaya ang sabik sa kanya-kanyang mga dibdib, hindi na mapigilan.  
     
01 Isang oras na lang, Bagong Taon na.