Sabado, Disyembre 31, 2016

48. December 2016 Journal (Day 1431-1461)

December 01, 2016
Thursday
Year IV-336

9i-n. Kay bilis ng panahon at hindi namamalayang nasa huling buwan na ng taon, isang buwan na lang bago magpaalam sa taong ito. Napipinto na rin ang pagsapit ng Pasko kaya hindi na mapigilang masabik. Kasabay ng namamayaning sabik at saya dahil Disyembre na'y umiiral din ang kaba sa dibdib sapagkat ngayong araw na ang aming Defense sa Psychological Research. Ni hindi pa batid kung ano ang sasabihin at kung sino ang magiging panel kaya abot-abot na ang kabang nadarama. Alas-kwatro pa lamang ng madaling araw at dahil tuluyan ng naparam ang antok, bumangon na't nag-almusal. Bago tumungo sa Eskwela'y naghanda muna ng isusuot at bahala na sa kung anong magaganap mamaya. Pagdating sa paaralan, magkahalong tuwa't gulat ang sumambulat pagkat di matutuloy ang Defense.

9i-o. Sa buong oras ng Psychological Research ay walang ibang ginawa kundi mag-usap-usap at ipakonsulta kay Sir Jigo ang gawang Title. Hindi naman niya ibinasura pero kailangan pang palitan, umulit tuloy kami. Sa totoo lamang ay hindi biro ang mag-isip ng Title at sumasakit lamang ang tuktok. Maya-maya pa'y dumako na ko sa kabilang silid. Sa oras ng Humanities, nagturo lamang sa amin si Sir Esguerra. Bukod sa nagtuturo'y sadyang makwento si Sir kaya nakakaaliw ang makinig sa kanya. Nang may nalalabi pang oras ay isa-isa muli kaming tinawag upang ipaliwanag ang kanya-kanyang artwork. Ang kaninang halakhakan habang naglalahad ng kwento ang ilang kamag-aral, biglang lumumbay ng si Hanna na ang magkwento at naging emosyonal ito.

9i-p. Nakakakurot ng damdamin dahil naging masalimuot ang napagdaanan niya sa piling ng kanyang pamilya. Sumagi bigla sa aking isipan na kahit minsan ay hindi nakakasundo ang aking pamilya ay mapalad pa rin dahil di ganon ang naging takbo ng buhay gaya nila subalit hanga din ako sa ipinakita nitong katatagan at kailanman ay hindi sumuko. Ilang sandali pa, dismissal time na. Pauwi na dapat ako, nang biglang namataan si Nadia. Sinamahan ko muna siya sa pagtungo sa Library at habang naroroon ay walang ginawa kundi magkwentuhan at tawanan na rin. Sumaya pa lalo ang aming pag-uusap nang dumating si Nikki, non-stop kami sa tawanan at lokohan, ang ingay tuloy naming tatlo't nakaligtaang nasa library pero labis na nag-enjoy sa kanila.

9i-q. Bago umuwi at dahil wala pang balak ang lola niyo, tumungo muna sa Computer shop. Sayang-saya't may gaan sa dibdib akong nakarating ng bahay pero naglalagablab na sermon ang isinalubong sa akin ni ina. Iyon pala'y nalaman nito na may pinuntahan pa ko sa halip na dumeretso sa pag-uwi. Sa halip na makipagsagutan sa kanya, nanahimik na lamang ako at hinayaan siya. Marahil ay dala lamang ng mainit na panahon o pagiging Menopause niya kaya madali ng uminit ang ulo. Kinagabihan, mabaliw-baliw nanaman ako sa pananakit ng Ngipin, walang ginawa kundi tiisin ang hapdi at kirot na nanalaytay sa nabubulok na Ngipin at gumawa ng paraan. Maigi na lamang at parang bulang naibsan kinalaunan kaya naging maginhawa pa rin ang pagtulog.

31 | 24 Disyembre na at dalawang pu't apat na tulog na lamang bago sumapit ang Pasko.


December 02, 2016
Friday
Year IV-337

9i-r. Dama muli ang malamig na panahon na tila hinuhudyat na nalalapit na ang Pasko kaya katamad pang bumangon at ibig pang humilata ng lagay sa kama. Sa lamig ng panahon, ayaw ko ng maligo pero pinilit lang para manatiling mabango sa harapan ng mga nakakasalamuha. Mukhang mahuhuli na sa pagpasok kaya dinalian na sa pagkilos. Minalas lamang ng lagay dahil mahuhuli na nga, naipit pa sa mabigat na trapiko. Ang aga-aga pero ibang klase na ang stress at ibig ng magwala. Dakong Alas-otso na ko nakarating at kahit batid kong ikinaiimbyerna ni Sir Laus ang mga pahulihin sa klase, nilabanan ko ang takot at nagpatuloy sa pagpasok. Swerteng wala pa ito at mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadadatnan.

9i-s. Ilang saglit pa ang lumipas ng dumating ito subalit kaagad din na umalis pagkat magpa-panel ito. Habang wala si Sir ay isinagawa na ng mga naatasan ang pagbibigay ng pagsusulit. Filipino Intelligent Test ang una naming pagsusulit. Una pa lamang ay mahirap na pagkat Vocabulary words, mahina pa naman pagdating diyan kaya halos mangamote na sa pagsagot pero ng Mathematical na, dumali ang buhay kaya ganadong-ganado sa pagsagot. Pagdating sa Non-verbal test, matinding pagpapagana ng utak ang kailangan para mahanap ang appropriate and exact pattern ng mga Figure. Labis na na-drain ang utak matapos ang pagsusulit at medyo gutom na rin kaya hindi naging madali ang pagsagot. Maya-maya pa'y bumalik na si Sir Laus at habang nakikipag-asaran kay Gelo, sa halip na sawayin kami ni Sir ay siya pa mismo ang nagtutulak para magtuos kami at mistulan ng nagdedebatehang dalawa't patalbugan din sa kagandahan.

9i-t. Tingin ko ay ginagamitan niya kami ng Reverse Psychology kaya kataka-takang siya pa ang nangongosinti. Kahit panay ang asaran at lokohan namin, di naman nauwi sa pikunan dahil alam ng bawat isa sa aming katuwaan lang. Lalo pang umigting ang asaran ng maging si Kalvin, idawit ni Sir. Sa saya, natanggal ang stress na dala-dala sa dibdib buhat ng mahirap na pagsusulit kanina. Matapos ang masayang lokohan kina Kalvin, Gelo at Sir Laus, nagsimula na ang sumunod na pagsusulit. Sina Mary at Louie ang namahala't SRA Office Test ang pagsusulit namin ngayong oras. Nakaka-pressure lang dahil napaikli ng ibinigay na oras para sagutan lahat ng item. Matapos ay checking at hindi ko ikinalugod ang nakukuhang resulta pagkat puro negative at nakaka-down ng loob.

9i-u. Naging abala kami sa pag-computekaya di namamalayang Dismissal time na. Sumasakit nanaman ang Ngipin ko kaya hindi na nagawa pang pumasok sa sumunod na klase. Pagdating ng bahay, idinaan ko na lang sa pagpapahinga ang pananakit ng Ngipin. Bukod sa Ngipin ay masakit din ang ulo buhat na lubusang nagamit ang utak, makasagot lang ng tama sa pagsusulit at nakakabaliw. Sa sarap ng tulog, madilim-dilim na sa labas ng ako'y magising. Naibsan na ang pananakit ng Ngipin kaya maayos akong nakapaghapunan. Bukas na pala ang aming title defense kaya at tuloy na tuloy na kaya naging kabado ang gabi ko.


30 | 23 Mayroon na lamang dalawang pu't tatlong araw bago sumapit ang Pasko.


December 03, 2016
Saturday

Year IV-338

9i-v. Gawa ng kabang patuloy na bumabalani sa dibdib, hindi nagawang makatulog ng maayos. Alas-kwatro pa lamang, mulat na ang mga mata subalit tinatamad pang bumangon kaya dakong Alas-singko na napagpasyahang bumangon. Ngayong haharap muli ang sarili sa makapigil hiningang Defense, dalanging bigyan ng lakas ng loob ng maykapal upang makayang sagutin ang mga nakaambang tanong mula sa panel at maging matagumpay ang aming Defense. Pagkatungo ng paaralan, mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadadatnan subalit naroroon na si Sir Jigo. Habang hindi pa nagsisimula ang Defense, wala kaming ginawang magkakagrupo kundi asikasuhin at ayusin ang ginawang title. Habang napipinto na ang Title defense, palakas ng palakas ang kaba sa dibdib subalit pilit na nagpapakatatag. Dakong Alas-otso na ng magsimula ang Title defense at saktong pangalawa kami sa sasalang. Sina Ma'am Ria at Sir Barrion lamang ang naging mga panel, parehas na terror at mahilig manggisa kaya nag-uumapaw ang nadaramang kaba ng kami'y humarap subalit lakas-loob na iprinesenta ang gawang mga Title.

9i-w. Napanghihinaan na ng loob sa una sapagkat nakakailang palit na ng title subalit wala pang napipili't sadyang napakaselan nila. Bukod sa pahikan sa pagpili ng mga Title, napakaraming tanong ni Sir Barrion at bulgaran pang nilait ang aming mga Title kaya nagsimula ng kumulo ang dugo sa kanya, kung makapagsalita ng pangit ay akala kung sino. Akala niya naman kasi ay ganung kadaling mag-isip ng title at gusto ay unique pa! Gustuhin man na tapatan ang kanyang panlalait pagkat nababanas na subalit pinakinggan muna ang kanyang dahilan at hinayaang magpaliwanag. Magkaiba ang napiling Title ni Ma'am Ria sa napiling Title ni Sir Barrion subalit si Sir Barrion ang nasunod. Hindi man kami kuntento ni Lexlie sa napiling Title ni Sir Barrion, wala ng magagawa't dami niya kasing dama at arte kaya kita sa bawat mukha ang pagka-beast mood sa halip na tuwa.

9i-x. Kahit kailan talaga'y nabubwisit ako sa kanya! Dahil sa may Title Defense, hindi na nagawa pang daluhan ang klase sa Humanities. Matapos humarap sa Defense, tamang kuhaan lang kami ng Litrato. Masyado pang maaga at dahil wala pang balak umuwi, naisipan kong tumungo kina Annie doon sa Tandang Sora. Bago tumungo sa kanila, dumaan muna ako sa Northridge Plaza bookstore at nagbasa-basa. Nawili ako sa pagbabasa kaya hindi namamalayan ang oras at tanghaling tapat na. Pagkatungtong sa kanila, mga maliliit na pamangkin lamang nito ang nadatnan ko. Kahit mga hindi kasing-gulang ay nagawa pa ring makipaglokohan at harutan sa kanila. Ilang sandali pa'y bumaba na si Annie. Habang nasa puder nila'y walang ginawa kundi kwentuhan at maya't maya din ang kuhaan namin ng litrato at kulitan. Napasarap ang pananatili sa kanila kaya inabot na ng takip-silim. Pagpatak ng Alas-sais, biglang nagsidatingan ang mga kaanak ni Annie na sina Aling Gina kaya ang kaninang bahay na tahimik, umingay na.

9i-y. Halos buong pamilya ni Annie at Gelyn, naroroon kaya mistulang may nagaganap na reunion ang saya-saya ng kanilang pamilya. Ilang sandali pa't ng makabili sina Shiela ng panghapunan, kahit nahihiya'y kung umiiral na ang gutom ay hindi na napigilang makisalo sa kanilang kainan. Sa dami ng kinain ay labis akong nabusog at di inisip na nasa ibang bahay. Sumapit na ang Alas-otso at sa takot na makastigo nila Mama dahil ginabi na, kinailangan ng magpaalam sa kanila. Habang papauwi'y kabado na ang dibdib subalit di naman naganap ang aking pangamba pagkauwi ng bahay. Nagpapasalamat ako sa Maykapal dahil kahit nakakagawa ng bagay na hindi maganda, ipinagkaloob pa rin niya sa akin ang araw na masaya at tunay ngang mabait siya.


29 | 22 Dalawang pu't dalawang araw na lamang ang nalalabi bago sumapit ang Pasko.


December 04, 2016
Sunday
Year IV-339

9i-z. Dakong Alas-singko na ng magising at dahil naparam na ang antok sa mga Mata, kahit walang pasok ngayong araw ng Linggo'y bumangon na ko. Pagkabangon at habang nanalaytay ang kasiglahan sa dibdib ay sinimulan ng gawin ang mga takdang-aralin. Sa sobrang abala para tapusin ang assignment, hindi namamalayan ang takbo ng oras. Sumunod ay gawaing bahay ang inatupag at pagtitinda. May pasok nanaman pala kinabukasan kaya sinamatala ang oras sa pamamalantsa ng uniporme. Napakarami ng dapat plantsahin kaya abutin ng isang oras bago matapos at sa wakas, malalamnan na ang kalamnang kumakalam. Pagpatak ng tanghali at gawa na lugmok ang mata sa antok, hindi ko man ibig ang matulog ay hindi na napigilan pa.

9j-a. Kinahapunan, walang magawa kaya paglilinis ng bulak na pinagkuhaan sa unan ang inatupag. Sa sobrang dami ng dapat linisan at abala sa ginagawa, inabot na ng gabi. Hindi pa madalaw-dalaw ng antok kaya naisipang manood ng Video. Habang tinutunghayan ang Dokumentaryo sa I Witness tungkol sa mga Muslim, sadyang napakaki-kontrebersyal pagdating sa ating mga Kristiyano ang kanilang kultura sapagkat maaring mag-asa ng higit sa isa ang lalaki. Ang nakakagulat pa'y pwedeng magsama sa iisang bubong ang mga asawa nito. Iginagalang ko ang kaugalian ng mga Muslim subalit di mapigilan ang mag-isip ng kung ano-ano't tila nakakarumi.
9j-b. Kung ako lamang ang babae'y parang hindi na binigyan ng galang at marahil sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay hindi maiaalis ang selos dahil may kahati ka sa pagmamahal ng asawa. Nainis lamang ako sapagkat karamihan sa mga lalaking Muslim, kaya ibig mag-asawa ng marami dahil gusto lamang magkaroon ng maraming anak sa halip na dahil mahal niya ang mga ito't tila ginawang paanakang baboy. Mabuti na lamang talaga, hindi ako ipinanganak na Muslim dahil sa totoo lang, marami sa kaugalian nila ang hindi kayang tanggapin gaya ng arrange marriage kahit bata ka pa at pag-aasawa ng marami, bukod pa dun ay pwede mong kitilin ang buhay ng kaaway kung nanaisin mo. Tila malaya dahil walang halos bawal pero mapanganib naman.


28 | 21 Dalawang pu't isang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


December 05, 2016
Monday
Year IV-340

9j-c. Dama muli ng katawan ang simoy Paskong panahon kaya umiral nanaman ang katamaran sa pagbangon ng maaga. Sa lamig ng panahon na ikangangatog mo, naging papatay-patay ako sa pagkilos, katamad din maligo. Magkakaroon pala ng pagsusulit sa Filipino ngayong araw at hindi pa nakakapagrepaso kaya pagrerepaso ang inatupag habang nasa biyahe. Nakakatuwa dahil mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadadatnan pagkaalpas ng paaralan subalit nakapasok na si Ma'am Burabo. Saktong hindi pa nagsisimula ang pagsusulit kaya nagkaroon pa ko ng panahong makapag-aral. Ilang sandali pa'y ganap ng nag-umpisa ang pagsusulit. Mahirap na nga ang pagsusulit, umaaalingawngaw pa ang ingay sa labas kaya nawawalan na ng konsentrasyon. Kahit hindi naging madali ang pagsusulit ay nawa'y maipasa pa rin. Sa oras naman ng General Botany at bago magturo si Ma'am Eloisa, nagkwento muna ito sa amin at nagimbal ang kanya-kanyang mga dibdib pagkat nalooban sila.

9j-d. Kung ako lamang sa kalagayan ni Ma'am, baka hindi na kayanin ang labis na panlulumo pero siya, matatag pa rin at tila balewala lamang ang nangyari't nakakapagturo pa kahit kita sa kanyang mukha na iniinda ang pagkawala ng mga mahahalaga't mamahaling mga kagamitan. Ngayong nalalapit nanaman ang Pasko, naglipana muli ang mga magnanakaw kaya ibayong ingat ang katapat para hindi kawawa sa huli. Pasalamat na lamang at hindi nangyari iyon sa akin pero naaawa ako kay Ma'am Eloisa. Ilang sandali pa'y dismissal time na't saktong namataan si Nikki pagkalabas. Wala ng balak pang daluhan ang klase ng Laboratory para sa General Botany kaya hindi na nakahindi pa ng udyuking maki-sit-in sa kanyang klase. Educational Psychology ang asignatura niya ngayong oras at saktong si Ma'am Trisha ang professor.

9j-e. Balak na sanang lumabas pagkapasok ni Ma'am pero hindi akalaing pipigilan at welcome sa kanyang klase. Nakakapanghinayang lamang sapagkat hindi siya ang naging professor sa ganung subject, mahusay at ang saya pa naman niyang magturo, parang nakakatanggal ng stress at malilimutan mo ang problema kapag siya ang kaharap pagkat napakakwela niya. Sana dumating pa ang pagkakataong maging guro muli si Ma'am Trisha. Si Nikki lamang ang nakasama maging sa pananghalian. Dahil may klase pa ito, kinailangan ng magpaalam sa isa't isa. Mahaba pa ang aking Vacant time kaya sinamantala ang oras para mag-take down notes. Maya-maya'y pumasok na ng silid. Sa oras ng Economics, nagturo lamang si Sir Nebres at matapos ay nagkaroon kami ng activity. Hindi lamang nasiyahan pagkat hindi katayugan ang natamong marka subalit ayos lamang kaysa namang itlog.

9j-f. Habang walang guro at sa halip na makipagpalitan ng kuro-kuro'y ipinagpatuloy ko ang take down notes at pagrerepaso na rin dahil nalalapit muli ang preliminary examination. Mistulang palengke ang silid sa sobrang ingay ng mga kamag-aral at ikabingi na nga ang kanilang sigawan. Biglang namayapa ang kaingayan nang pumasok na si Ma'am Zabala. Sa oras ng Literature, nagkaroon muli ng pag-uulat. Nasarapan sa pagkukwento si Ma'am kaya hindi namalayan ang pagsakop ng gabi't uwian na. Pagdating ng bahay at sa tindi ng namamayaning gutom, diretso lamon ako pagkabihis. Nagpapasalamat ako sapagkat nagawa nanaman lampasan ang araw na ito na punong-puno ng kapaguran. Bigyan sana ako ng Maykapal ng katatagan ng loob para kayanin pa ang mga darating pang araw.


27 | 20 Eksaktong dalawang pung araw na lamang bago sumapit ang Pasko.



December 06, 2016
Tuesday
Year IV-341

9j-g. Anong ganda ng napaginipan kaya napasarap ang tulog at sa halip na Alas-singko ay bandang Alas-sais na nagising. Mahuhuli na sa pagpasok kaya double time na sa pagkilos. Sa haba at bagal ng biyahe, Alas-siete y medya na ng makatungtong sa paaralan. Saktong naroroon na si Sir Laus at nagsimula ng magsagawa ng pagsusulit ang mga naatasan kaya hindi muna pumasok pa't naghintay. Sa aming mga magkakamag-aral ay kaming dalawa lamang ni Gelo ang nahuli. Kumabog bigla ang kaba sa dibdib at takot ng lumabas si Sir subalit sa halip na pagalitan dahil sa nahuli, nagawa pang makipagbiruan sa akin. Ang bait niya talaga kaya lalo pa ito nagugustuhan bilang guro. Hindi pa inaabusahang pumasok kaya nakipagkwentuhan muna sa mga kakilala. Habang may kakwentuhan, sa di inaasahan ay biglang lumapit si Sir Jigo at naupo pa ito mismo sa pagitan namin. Wala na kong nararamdaman sa kanya pero panay ang nararanasang hiya at pagkailang habang katabi ito at nakikipagbiruan sa kanina'y kausap ko lamang.

9j-h. Sa hiya, walang lakas ng loob na kibuin siya't ang kanina na ako'y madaldal, hindi makapagsalita. Parang ibig ng matunaw sa labis na hiya kaya tatayo na dapat ako pero hindi natuloy at laking gulat ng pigilan ni Sir at siya pa mismong nag-ayang tabihan ito. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ng gawin iyon sa akin at parang tumatalon sa ligaya ang dibdib. Ilang sandali pa at sa wakas, pinapasok na rin ako. Flanagan Industrial Test ang sumunod na pagsusulit. Anong hirap ng naging pagsusulit pagkat doon masusukat ang grammar mo sa English at kung paano ka magdesisyon sa buhay, napakalimitado pa ng ibinigay na oras kaya sa halip na seryosohin ay nanghula-hula na lamang.

9j-i. Matapos ang pagsusulit ay breaktime muna. Pagkabalik, haharap nanaman sa panibagong pagsusulit at iyon ay Otis-Lennon School Ability Test. Madali lamang sapagkat Common Sense at Stock knowledge ang kailangan subalit kapos na sa oras kaya hinulahulaan muli. Sa oras naman ng Industrial Psychology, walang ginawa kundi Class report muli. Antok na antok na ng lagay kaya sa halip na ituon ang teynga sa pakikinig, nagagawa ng umidlip. Ilang sandali pa at sa wakas, uwian ko na rin. Pagkauwi, paglilinis agad ng bulak ang aking napagkaabalahan. Pahingalo na ang liwanag ng matapos sa ginagawa. Pagpatak ng gabi, umatake nanaman ang pagsakit ng Ngipin. Sa sakit, mangiwi-ngiwi na ko at walang ginawa kundi magtiis. Hindi na bale ang masaktan dahil sa umibig ka, kakayanin pa pero ibang usapan na kapag ngipin. Matapos subaybayan ang paboritong programa, diretso na ako sa pagtulog.


26 | 19 Mayroon na lamang labing-siyam na araw bago sumapit ang Pasko.



December 07, 2016
Wednesday
Year IV-342

9j-j. Tinanghali nanaman ng gising kaya may pagmamadali muli sa pagkilos para hindi mahuli. Sila Mama at Papa, kaaga-aga'y panay na ang panenermon sa akin. Hinayaan ko na lamang sila at hindi sinagot pagkat para rin naman iyon sa akin. Habang nasa biyahe, halos mairita at maliyo sa katabi pagkat galaw ng galaw pakiwaring di mapakali. Iyon pala'y mayroon itong kapansanan sa pagsasalita't gumagamit pala siya ng Sign Language para makipag-usap. Panay ang senyasan ng dalawang pipi na siyang nakaagaw ng atensyon naming mga pasahero't di maunawaan kung ano kanilang mga tinuturan. Habang sila'y pinagmamasdan, sumagi bigla sa isipan na mapalad pa rin ako sa kabila ng mga hindi magagandang bagay na dumadating sa akin pagkat may kakayahang magsalita, iyon nga lang ay hindi ko alam kung naiintindihan ba ng taong nakakausap ang aking sinasabi. Nakatuon lamang sa kanila ang paningin pagkat naaliw.

9j-k. Sa bagal ng sinakyan, malapit ng sumapit ang Alas-otso ng makarating sa paaralan at pumasok pa rin kahit ikagagalit ni Ma'am Burabo ang pagiging pahulihin. Sa buong oras ng Filipino, walang ginawa kundi magtsek ng test paper. Matapos, namayani ang galak sa kalooban pagkat di akalaing makakatamo ng mataas na marka't nakakataba ng puso. Sa oras ng General Botany, nag-lecture lamang si Ma'am Eloisa. Maya-maya, bigla nanaman itong nanermon sa amin at dami talagang satsat. Sa kakakuda, mukhang nasasayang na ang oras. Dahil naghahabol sa lesson si Ma'am, ginamit niya ang oras nglaboratory for make up class. Nang kalagitnaan na ng pagtuturo ni Ma'am Eloisa, biglang nakaramdam ng gutom.

9j-l. Balak sanang lumabas para kumain subalit baka ako pa ang maging mitsa para magpuyos muli si Ma'am, walang ginawa kundi tiisin ang gutom at nakakawalang ganang makinig kung walang laman ang Sikmura. Nang hindi na matiis ang gutom, lakas loob ng lumabas kahit tingin ko'y kabastusan iyon sa kanya. Pagkabalik, hindi pa tapos sa pagtuturo si Ma'am, dalawang oras na ang nakakaraan. Paano'y kung ano-ano ang sinisingit, hindi na lamang diretsuhin ng matapos na. Natapos naman kinalaunan bago ang dismissal time. Laking tuwa ng ipabatid ng mga kamag-aral ko na wala ng klase dahil may Christmas Program, sa halip na tumambay pa'y hindi na nagpatumpik-tumpik sa pag-uwi. Kinagabihan, sakripisyo muna sa panonood ng telebisyon kahit kating-kati upang bigyan ng panahon ang sarili na makapag-aral. Dakong Alas-onse na ng mapagpasyahang matulog.


25 | 18 Labing walong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.

December 08, 2016
Thursday
Year IV-343

9j-m. Alas-kwatro pa lamang, nagmulat na ang mga Mata. Namatay na ang antok kaya daglian ng bumangon at nag-almusal. Dahil maagang umalis ng bahay, maaga ring nakarating ng paaralan. Saktong wala pa si Sir Jigo at sina Eloisa at Nikki pa lamang ang nadadatnan. Habang hinihintay na magsimula ang klase at dahil walang magawa, nakipagkwentuhan ako sa kanila. Tuloy ang masaya naming kwentuhan kahit nakapasok na si Sir Jigo at paupo-upo. Makwela silang kakwentuhang dalawa kaya napapalakas na ang halakhak. Maya-maya't kasama ang kapangkat na si Kim ay nagpatsek na kami ng Title kay Sir. Akala ko ayos na't makakapagsimula na kami sa paggawa ng Thesis subalit hindi pa pala pagkat pinapapalitan muli ang Title.

9j-n. Sa kakaabusisi't analisa, sa halip na kami'y si Sir pa ang na-stress. Tila hindi biro ang kinakaharap naming thesis pagkat sa Title pa lamang, nahihirapan na pagkat kailangan ay detelyado't hindi magkakaproblema sa pananaliksik. Balak sanang asikasuhin ang Title, kaso di magawa pagkat naubusan na ng bala. Humanities ang sumunod na asignatura't pinagpangkat-pangkat kami ni Sir Esguerra para sa art exhibition. Nang makapili ng kanya-kanyang kagrupo, nagpulong kami. Hindi naman sa nagyayabang pero may angking kagalingan din ako pagdating sa Art, iyon nga lamang ay di magawang maibahagi gawa na nahihiya't bukod pa dun sa palagay ko'y di naman pakikinggan.

9j-o. Matapos ang pag-uusap, nagkaroon pa kami ng artwork activity. Hindi ako makapagsimula pagkat nahihirapang i-visualize ang iguguhit at gusto'y may gayahan. Tumunganga na lamang ako't hinintay matapos ang oras. Ilang sandali pa, sa wakas ay dismissal time na't uwian ko na rin. Sa gutom na kanina pa namamayani, diretso sa paglamon pagtungtong sa sariling tahanan. Matapos ay nagrepaso ako kaso nakakatamad kung di tumatatak sa isipan ang inaaral, lalo na kapag Siyesta Time at pakiwaring natutulog ang utak. Medyo nawawalan na ng gana sa pagrerepaso kaya itinigil na't bahala na sa darating na pagsusulit. Kinagabihan at gawa na hindi pa dinadapuan ng antok, tamang kinig muna ng awiting may kinalaman sa pag-ibig. Sa bawat hampas ng hugot na hugot na mensahe sa Teynga, kumukurot ang kilig sa dibdib. Bukod pa dun ay nakaka-relate kahit hindi pa pinasok ang relationship. Nasarapan ako sa pakikinig ng Love song kaya hindi namalayang Alas-dyis na pala't kailangan ng matulog.


24 | 17 Labing pitong araw na lamang bago sumapit ang Pasko. Lapit na!
          

December 09, 2016
Friday
Year IV-344

9j-p. Alas-kwatro na ng madaling araw nagising subalit sarap pang humilata ng lagay kaya dakong Alas-singko na napagpasyahang bumangon at nag-almusal. Maaga naman akong nakaalis ng bahay subalit pagdating sa may Quirino Highway, nakaingkwentro ang napakabigat na trapiko. Sa sobrang trapik, dinaig pa ang pagong sa bagal ng usad at mas mabilis pa ang lakad ng mga taong naglalakad. Pumatak na ang Alas-siete subalit hindi pa nakakarating ng paaralan at mukhang mahuhuli na talaga sa pagpasok. Maya-maya at dahil sa inip, kahit may kalayuan pa ang paaralan mula sa aming kinalalagyan, napagpasyahang lakarin na lamang. Sa tulin ng lakad ko'y kaagad na nakarating ng Unibersidad at saktong naroroon na si Sir Laus subalit mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadadatnan at marami pang wala. Isa talaga sa pangunahing dahilan kung bakit naaantala ang pagdating sa pupuntahan ang trapik na kailangan ng solusyunan upang hindi na makaabala pa.

9j-q. Malapit ng pumatak ang Alas-otso, subalit nanatili pa ring kaunti't marahil ay naiipit din sila sa mabigat na trapiko. Ilang sandali pa'y nagsimula ng magturo si Sir. Habang nagtuturo siya, ramdam ko ang kanyang pagod pagkat tila may pagkahapo sa kanyang pagsasalita't nagmamadali pa. Nakaka-stress lamang dahil napakarami ng kailangang kabisuhin at mukhang puputok ang utak mo. Tila mahihirapang ipasa ang subject na iyon pagkat hindi basta-basta ang magiging pagsusulit. Makaraan ang isang oras, sa wakas ay breaktime na rin. Pagkabalik at nang matapos lahat ni Sir Laus ay gulat kami ng sabihing magkakaroon ng maikling pagsusulit mamaya. Bukod sa nakaka-stress ay napi-pressure na rin pagkat isang bagsakan ang maikling pagsusulit, napakaimposible kung maisusuksok sa utak lahat ng naituro pagkat kakapusin talaga sa oras.

9j-r. Habang wala si Sir at nai-stress man at idagdag pa ang namamayaning ingay, nagrepaso pa rin. Maya-maya'y may pumasok na isangpractioner at nagtsek kami ng mga test paper. Ako ang naatasang mangolekta't magdala ng Test paper sa may Guidance Office at habang naglalakad pabalik, biglang bumilis ang kabog sa dibdib ng makasalubong si Sir Jigo. Biglaang umiral ang hiya kaya tarantang-taranta sa pag-iwas sa kanya, hindi malaman kung bakit ako nagkakaganito. Sa sobrang taranta ko, napabilis ang takbo hanggang sa matapilok pagkapasok ng silid. Agaw eksena tuloy sa mga kamag-aral at muntikan ng maibagsak ang nakapatong na LCD Projector sa mesa. Marahil ay may natitira pang pag-ibig sa kanya kaya nag-iiba ang kinikilos sa tuwing nasisilayan ito. Pagkapasok ni Sir Laus, lundagan kami sa tuwa ng sabihing hindi na matutuloy ang pagsusulit at pamasko na raw niya iyon sa amin.

9j-s. Sa oras ng Industrial Psychology, nagkaroon lamang Class reporting. Bahagyang nag-init ang dugo sa amin ni Sir Juangco ng mapansin nitong hindi gaanong sineseryoso ang pakikinig. Nakakahiya lamang sa kanya pagkat sagad sa buto ang kabaitan nito tapos gaganyanin lamang at aabusuhin. Muntikan ng ipakita ni Sir ang natatago nitong bangis pero nanaig pa rin ang kanyang pagiging bukal. Bago umuwi, tumungo muna ako sa Computer Shop. Dakong Alas-kwatro na ko nakarating sa bahay. Kung kailan abala sa pagda-download ng Files ng mga lecture, sa hindi inaasahan ay biglang nawalan ng kuryente. Tumagal ang brown-out hanggang gabi kaya ang resulta, balot sa kadiliman ang buong kapaligiran, tiis-tiis tuloy kami sa madilim at mainit na kalagayan at halos hindi na magkakitaan. Namamayani man ang dilim, walang pinagbago ang lugar naming maingay dahil sa mga bata. Pagpatak ng Alas-siete, hiyawan na may kasamang lundagan ang mga kapit-bahay ng manumbalik ang kuryente't sa wakas ay makakanood na rin ng paboritong programa. Bago mahimlay sa kama, nag-sunog kilay muna ako. Dakong Alas-onse ng maisipang ipagpabukas na lamang ang pag-aaral.


23 | 16 Labing anim na araw na lamang at Pasko na.


December 10, 2016
Saturday
Year IV-345

9j-t. Wala naman gasinong gagawin sa mga asignatura ko ngayong araw kaya napagpasyahang huwag ng pumasok. Sumapit na ang Alas-siete ng maisipang awatin ang sarili sa pagkakahiga't daglian nag-agahan. Matapos mag-agahan, gawaing bahay muli ang aking inatupag. Napipinto nanaman ang aming Preliminary exam kaya diretso agad sa pagrerepaso matapos ang gawaing bahay. Tila pahirapan pa rin sa akin ang magkabisado't ang dami pa ng dapat aralin pero kakayanin at hindi susuko pagkat determinadong pumasa. Walang ginawa sa buong umaga kundi magsunog-kilay at magsaulo ng aralin kahit tila puputok na ang bungo sa dami ng isunusuksok. Pagpatak ng Tanghaling-tapat at dala na kumakalam na ang Sikmura, time out muna sa pag-aaral para kumain. Hindi ko ibig na masayang ang oras kaya ipinagpatuloy ang pagrerepaso nang makapagpananghalian.

9j-u. Kinahapunan at kahit abalang-abala sa pag-aaral, naisipan kong maglaba. Kung kailan nagbabanlaw na't patapos na sa paglalaba, minamalas ng lagay dahil biglang bumuhos ang ulan. Isinantabi muna ang paglalaba't hinintay na tumila ang ulan. Nasa buwan na ng Disyembre at ang dapat sana na panahon na ng tag-lamig, tila nasa tag-ulan pa rin at dumadalas pa nga. Marahil ay epekto na ng nagbabantang La Niña o Climate Change. Pagkatila ng ulan, ipinagpatuloy ko ang pagbabanlaw hanggang sa matapos at makapagsampay. May pinuntahan si Mama't may ginagawa naman si Papa kaya laking abala sa akin na nagsasampay kapag may bumibili't hirap mag-multi-tasking. Naghihingalo na ang liwanag, wala pang nalulutong ulam pagkat may kanya-kanyang pinagkakaabalahan at hindi pa dumarating si Mama.

9j-v. Dama ko na ang pagkalam ng Sikmura't ilalaan sana ang oras na ito para mag-aral subalit kailangan munang isantabi at magluto. Kung kailan aligaga sa pagluluto, saka naman sunod-sunod ang bumibili. Hindi ko maiwasang mainis pagkat nakikisabay pa sila sa mga gawain. Namamayani na ang pag-aalala dahil gabi na subalit wala pa rin si Mama at baka kung mapaano na iyon na huwag naman sanang mangyari. Natanggal naman ang pag-aalala ng makauwi si Mama habang ako'y abala sa pagsusunog-kilay. Ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso hanggang sa sumapit ang Alas-dyis. Hindi pa dinadapuan ng antok kaya naisipang manuod ng Video. Nang humihikab na, saka lamang napagpasyahang matulog.


22 | 15 Mayroon na lamang Labing-limang araw bago sumapit ang Pasko.

December 11, 2016
Sunday
Year IV-346

9j-w. Hindi pa man nagpapakita ang araw ay nagising na ko't bumangon. Nang makapag-agahan, sinimulan ko ng magrepaso. Puspusan na ang pagrerepasong ginagawa subalit hirap itatak sa utak ang impormasyong inaaral, parang pasok sa kaliwang teynga at labas naman sa kanang bahagi. Nahihirapan din makaunawa ng binabasa sapagkat kasing lalim ng balon ang mga nakatala at napakakomplikado ng detalye. Kahit maraming pasakit sa pagsusunog-kilay, nagpatuloy pa rin ako, sa kagustuhang makapasa at makatamo ng nagningning na marka. Walang ibang ginawa sa buong umaga kundi mag-aral kahit tila puputok na ang ulo sa dami ng ipinapasok. Pagpatak ng tanghali, tigil muna sa pagsusunog-kilay para kumain. Kinahapunan, paglilinis muli ng bulak ang pinagkaabalahan, sa dami ay abutin ng tatlong oras bago matapos. Sa dami ng dapat asikasuhin ngayong araw, hindi na makapaglakwatsa pa.

9j-x. Pamamalantsa naman ng uniporme ang sunod kong iginugol. Kinagabihan, kailangan muling isakripisyo ang libangan sa panonood ng Telebisyon para bigyan ng panahon ang sarili na makapag-aral. Ilang oras ng tutok ang mata sa sangkatutak na letra, wala pa ring pumapasok kahit iniintindi na. Marahil ay mapurol na ang kukote subalit di iyon ang dahilan para panghinaan ng loob. Sa tulin ng oras, hindi namamalayang Alas-nuebe na. Maaga pa magigising bukas kaya hindi na nagpakapuyat pa. Goodluck na lamang sa amin sa darating na pagsusulit, tiwala namang tutulungan ng Maykapal at makakapasa.


21 | 14 Labing apat na araw na lamang ang nalalabi bago sumapit ang Pasko.


December 12, 2016
Monday
Year IV-347

9j-y. Nagwakas nanaman ang Weekend at kasabay ng pagsapit muli ng Lunes ang araw ng pagsisimula ng Isang linggong pagsusulit para sa Prelim period, kaya magkahalong kaba't sabik na ang nadarama. Kinakabahan dahil hindi alam kung ano ang lalabas sa mga pagsusulit at baka hindi makayang sagutan, bukod pa dun ay baka may maganap na aberya subalit nasasabik dahil may tiyansang makita muli ang taong pinipintig ng Puso, kamusta na kaya siya? Bukod pa dun ay nalalapit na rin ang Christmas vacation. Dakong Alas-nuebe na ng makaalis ng bahay. Mukhang mahuhuli na sapagkat mag-iisang oras na subalit hindi nakaalis ang tricycle sa dalang ng dating ng pasahero. Sa inip, napipilitan ng bayaran lahat para makaalis na subalit bigla kaming nakumpleto. Pagkatungtong ng paaralan, tumungo muna ng Library at sinamantala ang nalalabing panahong makapagrepaso. Nagdasal muna ako bago tumungo ng silid at Diyos na ang bahala sa akin, nawa'y makasagot.

9j-z. Kahit may kaingayan ang buong silid likha ng mga bibig ng kamag-aral na sabay-sabay sa pagbuka, ipinagpatuloy ang pagrerepaso habang wala pang proctor. Ilang sandali pa'y pumasok na ang aming proctor at saktong si Sir JuangcoIndustrial Psychology ang una naming pagsusulit ngayong araw. Nakapag-aral naman ako at lumabas sa exam ang karamihan sa inaral subalit hindi alam ang isasagot pagkat nalilito. Pilit kong inunawa ang mga tanong para makasagot ng tama't hindi mapunta sa wala ang pinaghirapan. Asignaturang Literature ang sumunod na pagsusulit at si Sir Juangco muli ang proctor. Kailangan matinik ka sa Vocabulary Words at Figure of Speech sapagkat puro ganoon ang lumabas sa pagsusulit. Maigi na lamang at gumagana ang aking Common sense kaya parang sisiw lamang at nakakasagot ng maigi.

9k-a. Nang hindi na alam ang isasagot at nangangamote na, minani-mani na lamang at nawa'y maging maganda pa rin ang resulta. Pagkatapos ay uwian na't masyado pang maaga kaya sa halip na umuwi, tumungo muna ng Computer shop. Dakong Alas-tres na nang mapagpasyahang umalis ng paaralan at pagkatungtong sa may Batoda Terminal, umiral bigla ang habag sa dibdib ng may batang yagit at gusgusin pa ang lumapit, nanghihingi ng pagkain. Sa habag, ibig ko sanang tulungan, kaso walang kakayahan. Binigyan na lamang ng pera para kahit paano'y may maipambili siya.

9k-b. Hindi bale at kapag ako yumaman, lahat ng kapus-palad na gaya nila ay tutulungan ko at bibigyan ng magandang buhay, pinapangako ko iyan! Sa ngayon na nag-aaral pa lamang at hindi pa naghahanap-buhay, Diyos muna ang bahala sa kanila. Nasa Diyos ang awa, nasa atin naman ang gawa. Biglang sumagi sa isipan na mapalad pa rin ako sapagkat hindi namulat sa ganong pamumuhay. Dakong Alas-kwatro na ng makarating ng bahay. Sinamantala ko ang panahon para mag-aral. Kinagabihan, pahinga muna ang utak sa pag-aaral at nilibang ang sarili sa panonood ng Telebisyon. Hindi pa dinadalaw ng antok kaya tamang kinig muna ng musika. Bandang Alas-dyis na ng mapagpasyahang matulog.


20 | 13 Labing tatlong araw na lamang ang nalalabi't Pasko na.


December 13, 2016
Tuesday
Year IV-348
         
9k-c. Magdamag na naging maulan ang panahon na siyang nagbigay lamig at sarap sa aming pagtulog kaya nakakatamad ang bumagon. Tinatamad man at ibig pang ibalot ang buong katawan sa makapal na kumot, walang ginawa kundi labanan ang katamaran alang-alang sa pagpasok ng maaga. Dakong Alas-sais ng lisanin ang tahanan at pagkatungtong sa may antayan ng tricycle, sumambulat sa paningin ko ang mahabang pila. Bandang Alas-siete pa naman magsisimula ang pagsusulit kaya may pangambang baka mahuli ng dating at hindi na payagan pang makakuha ng pagsusulit. Kahapon, pagdating ng mga pasahero ang hinihintay-hintay, tapos ngayon ay pagdating naman ng Tricycle. Tila parati na lamang may nakaambang na hassle sa tuwing papasok ako't ang aga-aga, binabanas na ng lagay. Dahil natagalan pa bago makaalis sa haba ng pila't dalang ng dating ng mga tricycle, saktong may proctor na't nagsimula na ang pagsusulit pagkatungo ng paaralan, maigi na lamang, may kabaitan ang proctor kaya swerteng pinahintulutang makakuha ng exam.

9k-d. Asignaturang Filipino ang una naming pagsusulit at sa dali, kaagad din naman natapos at kumpiyansang makakapasa. Matapos ang pagsusulit, kasama sina Anne Rose ay tumungo muna kami sa Canteen upang kumain. Namayani muli ang saya sa kalooban habang kasama sila't daming naiisip at nagagawang kalokohan kaya di mapigilang ilabas ang kanya-kanyang mga pangil. Napasarap ang kwentuhan at tambay namin magbabarkada kaya hindi namamalayan ang pagsipa ng Alas-nuebe, kailangan ng bumalik ng silid. Habang wala pang proctor at sa landi kong nilalang, nakaw-titig kay special someone at parang ang bango niyang pagmasdan. Balak sana itong tabihan kaso natatakot makantiyawan at baka makahalata pa siya. Makalipas ang ilang sandali, may proctor na.

9k-e. Asignaturang Economics ang sumunod na pagsusulit. Hindi ko nirepaso ang asignaturang iyon subalit maigi na lamang, nakatanim pa sa isipan ang mga itinuro ni Sir Arnulfo nung nasa high school pa ko at sa hilig na ring magbasa tungkol sa ekonomiya kaya hindi naman nangamote sa pagsagot, iyon nga lamang ay may computation at doon ako talagang nagtagal. Ibig kong sumama sa gayak nina Anne Rose, kaso ay huwag muna, saka na lamang kapag natapos na lahat ng pagsusulit. Nanatiling maulan ang panahon kaya kahit may baong payong, mistulang basang sisiw na nakauwi. Kinahapunan, balik muli ako sa pagsusunog-kilay at iyon lamang ang iginugol hanggang sa sumapit ang gabi. Hindi pa madalaw ng antok at bilang pampaantok, naisipan muling makinig ng musika. Dakong Alas-onse na ng dapuan ng antok.


19 | 12 Mayroon na lamang labing dalawang araw bago sumapit ang Pasko at tatlong araw na lamang, simula na ng Simbang-gabi kaya di na mapigilang masabik.


December 14, 2016
Wednesday

Year IV-349

9k-f. Kahit walang nakatakdang pagsusulit ngayong araw ay maaga pa ring nagising at bumangon para magkaroon ng sapat na panahong makapag-aral. Ni nakalimutan na ngang mag-almusal sa sobrang abala ko sa pagsusunog-kilay. Nakaka-frustrate lang dahil kahit anong pagkukumahog ang gawin ko, hirap ipasok sa isipan ang inaaral at kasing bilis ng kidlat kung maglaho ang mga impormasyon. Pahirapan man sa akin ang mag-aral ay naging pursigido pa rin. Sa kagustuhang makatamo ng matayog na marka, pag-aaral lamang ang siyang inatupag sa buong umaga. Tila puputok na ang tuktok sa dami ng isinusuksok at nawa'y may mapuntahan ang aking pagpupunyagi. Pagpatak ng tanghali, tigil muna sa pag-aaral at ako'y naglaba-laba.

9k-g. Sa sobrang dami ng dapat kong asikasuhin at hindi ibig aksayahin ang bawat sandali, mukhang hindi makakapag-siyesta ngayong araw. Matapos ang paglalaba, balik muli sa pukpukang pag-aaral. Kahit paano'y madali ng pumapasok sa kukote ang inaaral at nagiging ganado sa pag-aaral lalo na kapag sumasagi sa isipan ang taong nagbibigay kulay at ligaya ng buhay. Sa sipag kong ito, maging gabi'y nagpatuloy ako sa pagrerepaso at sakripisyo munang muli sa panonood ng telebisyon. Sa totoo lamang ay ito ang kauna-unahang beses na nag-aral ako ng buong araw at pinaka-busy pa.  Sa sobrang abala sa pagsusunog-kilay, dakong Alas-dyis ng mapagpasyahang magpahinga. Kabado man sa pagsalang sa panibagong pagsusulit, kailangan kaharapin at magpakatatag at manalig lamang sa Diyos.


18 | 11 Mayroon na lamang labing isang araw bago sumapit ang Pasko. Dalawang araw na lamang bago ang Simbang-gabi na.


December 15, 2016
Thursday
Year IV-350

9k-h. Nawala na ang antok sa mga Mata kaya Alas-tres pa lamang ng madaling-araw, hindi nakaugaliang oras sa paggising ay bumangon na ko. Masyado pang maaga kaya sinamantala ang oras para magrepaso. Dakong Alas-singko ng magsimula ng maghanda-handa't Alas-sais ng makaalis ng bahay. Pagtungtong ng paaralan, mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadadatnan at wala pang proctor. May nalalabi pang panahon kaya sinamantala ko ang pag-aaral. Kahit kailan ay sagabal talaga ang ingay para makapag-aral ka ng maigi't nawawala ang konsentrasyon ko. Ilang sandali pa, dumating na rin ang Proctor. General Botany ang pagsusulit ngayong oras. Nakapagrepaso ako sa asignaturang iyon at isinadibdib pa nga subalit hindi pa rin naging madali ang pagsusulit at paminsan-minsang nangangamote, paano'y hindi si Ma'am Eloisa ang gumawa ng exam.

9k-i. Nakakadismaya lamang dahil karamihan sa inaral ko, hindi lumabas, gayunpaman ay palarin pa rin ang marka. Kaagad ko din naman natapos ang pagsusulit at tumungo sa library. Habang naroroon ay walang ibang inatupag kundi ang mag-aral, hindi naman tumatatak sa isipan at inaantok lamang. Darating na sa puntong ibig ng itigil subalit nagpatuloy pa rin. Makaraan ang dalawang oras, tumungo na ko ng silid. Humanities ang sumunod na asignatura't makapigil hininga ang kaganapan pagkat may katarayan ang naging proctor, aakalaing pinaglihi sa sama ng loob, ang higpit pa. Hindi tuloy mapigilang makaramdam ng takot habang ito'y namamahala't marahil ay disiplinado ang mga estudyante kung siya ang professor. 

9k-j. Dahil nakapag-aral at basic pa ang karamihan sa mga tanong kaya naging madali lamang ang pagsusulit, umaasang makakatamo ng nagniningning na marka. Matapos ay kaagad na kong umuwi. Sa gutom at pagod na namumutawi, diretso lamon at tulog ako pagkatungtong ng tahanan. Napasarap ang aking tulog kaya dakong Alas-kwatro na ng hapon nagising. Pagrerepaso agad ang inatupag ko at kahit may kapurulan ang kukote, mahahasa naman para tumalas kung parating nagbabasa't kabisado. Kinagabihan at dahil maaga pa magigising bukas para sa Simbang Gabi, maaga akong natulog.


17 | 10 Sampung araw na lamang at Pasko na, bukas na rin ang pagsisimula ng Simbang Gabi.


December 16, 2016
Friday

Year IV-351

9k-k. Unang araw ng Misa de Gallo at nakakatuwa dahil huling araw na ng aming pagsusulit. Alas-dos pa lamang ng madaling araw, nagising na ko't kaagad nag-almusal para makadalo sa taunang Simbang-gabi. Dakong Alas-kwatro nang makarating sa Saint Peter Parish at di na mahulugang karayom ang mga tao. Sa sobrang dami, hindi na pinalad pang makapasok at sa labas na lamang nakinig ng homily ni Father. Tungkol sa Other oriented at family ang tinalakay niya sa amin, napakamakabuluhan ng tema dahil tinutulungan niya tayo kung paano makitungo sa iyong pamilya at pinatatag ang inyong samahan. Natamaan lamang ako sa sinabi ng pari nang matungo sa usaping gadget at marahil sa sobrang abala ko sa Social Media, nawawalan na ng panahong makipag-usap o kwentuhan sa pamilya at sa panahon ngayon, ganun ang karamihan sa mga kabataan, nagiging self-oriented sa halip na other oriented, sa madaling sabi, sariling kapakanan lamang ang iniintindi at hindi ang kapakanan ng lahat.

9k-l. Hindi lamang sa pamilya, maging sa mga kapwang nakapaligid sa kanila'y self-oriented na rin at hindi na mahagilap ang atensyon sa sobrang ilap at nakakalimutan na rin pahalagahan ang may damdamin. Tumagal ang misa ng isang oras at bago ko lisanin ang simbahan, nagtirik muna ng kandila at nagdasal. Dumeretso na ko sa paaralan at pagkatungtong, sarado pa pala't wala pang mga nagbabantay na Gwardiya. Namamayani nanaman ang gutom kaya tumungo muna sa karinderya para kumain. Dakong Alas-sais nang bumalik sa paaralan at sa wakas ay bukas na rin. Alas-nuebe pa ang pagsusulit para sa asignaturang Psychological Testing at habang may nalalabi pang panahon, walang inatupag kundi magrepaso.

9k-m. Puspusan na ako sa pagrerepaso, hindi naman maikintal sa isipan ang inaral at pakiwaring nabablangko, sana'y hindi ma-mental block kapag humarap na sa pagsusulit. Habang aligaga sa stressful na pagsusunog-kilay ang siyang pagdating ni Faye. Mahaba pa ang oras kaya sinamahan muna ito't tagpo-tagpo muli kami nina Anne Rose. Sa halip na matuon ang atensyon sa pagrerepaso, natuon na sa pakikipagdaldalan sa kanila't sa totoo lamang ay sila ang bumasag at pumawi sa nararanasang stress dulot ng pukpukang pagsusunog-kilay. Napasarap ang pananatili ko sa puder nila kaya hindi namamalayan malapit ng sumapit ang Alas-nuebe at kailangan ng magpaalam. Saktong wala pang proctor pagkatungo ng silid kaya tuloy lamang sa pagrerepaso't hindi na maiwasang kabahan.

9k-n. Maya-maya pa'y may proctor na't nagsimula na ang pagsusulit. Kung ano pa yung aralin na hindi ko gaanong natutukan, iyon pa ang lumabas sa pagsusulit kaya nahirapan din kahit nakapag-aral, gayunpaman ay naging madali lamang sa pangkalahatan at ako pa ang kauna-unahang nagpasa. Sa halip na diretso sa pag-uwi, hinintay ko muna sila Anne Rose na matapos ang kanilang pagsusulit. Sina Ella lamang ang nakasama ko't tila lumalamig ang pakikitungo nila sa akin at nakaka-out of place. Bukod pa dun, akala ko nung una'y hindi sila kagaya ng mga naunang kasamahan na mahilig magbisyo't pag-aaral lamang ang inaatupag, pero nagkamali ako't nagulat sa natuklasan. Tanging ako, sina Anne Rose at Catherine na lamang marahil ang walang bisyo sa magkakasama. Nawalan na ng pakikitungo sa kanila pagkat puro hang-over ang laman ng usapan kaya umalis na ko. Saktong namataan sina Anne Rose habang patungo ng library.

9k-o. Mabuti pa sila, nagagawa akong kausapin at sa halip na pag-inum-inom ay pagre-research ang inaatupag nila, masyado kasing mga self-oriented!  Tapos ay hindi ko rin naibigan ang kanilang ipinapakita lalong-lalo na sina Precious at Ella, masyadong palengkera! Mabuti na lamang at mas pinili nina Anne Rose at Catherine na umuwi kaysa makipag-inuman sa kanila kaya sumabay na kanila. Ayos lang sa akin ang kaibigan na uminom at manigarilyo, basta huwag lang parati at nilulugar pero yung talagang lango at balak pang mag-overnight, lalo na kung babae't may kasama pang lalaki, iyan ang ayaw ko't baka magkabuntisan, maimpluwensyahan pa ko. Bago umuwi ay tumungo muna ako ng Computer Shop. Dakong Ala-una nang makarating sa bahay at sa gutom ko, kaagad na nag-almusal. Kinagabihan at dahil tapos na ang isang linggong pagsusulit at bakasyon na rin, tamang relax lamang sa panonood ng Telebisyon. Dakong  Alas-onse nang mapagpasyahang matulog.

16 | 09 Siyam na araw na lamang at Pasko na!


December 17, 2016
Saturday
Year IV-352

9k-p. Daking Alas-tres nang magising ang katawang lupa ko, maaga pa naman kaya umidlip muna. Pagkamulat military ng Mata, kay tulin ng oras pagkat Alas-kwatro y medya na, hindi na tuloy pinalad na makadalo sa ikalawang Misa De Gallo pagkat nahuli na. Anong lamig din ng nararanasang panahon kaya nakakatamad bumangon at damang-dama na talaga ang papalapit na Pasko. Dakong Alas-sais nang sinipag-sipag sa pagbangon at nagkape. Pagkatapos at dahil simula na ng Christmas Break, ngayon lamang nagkaroon ng panahong makapagtinda. Anong tumal ng mga bumibili sa unang oras ng pag-upo ko subalit lumakas naman kinalaunan. Sumapit na ang Alas-nuebe pero dama pa rin ang malamig na panahon. Habang naghihintay ng mga mamimili sa pagtitinda, tamang kinig muna ng musika. Dahil malapit nalalapit na ang pagsapit ng Pasko, awiting pampasko ang naisipang patugtugin at ang lamig sa pandinig, para kang nasa isang lugar na nagyeyelo at tadtad ng mga Christmas tree and decoration.  Saka ko lamang itinigil ang pagtitinda nang matapos si ina sa paglalaba't gawaing bahay ang sunod na pinagkaabalahan.

9k-q. Pagpatak ng hapon at pagkagising, umatake muli ang pananakit ng ngipin, walang ginawa kundi batain ang sakit at gumawa ng paraan nang sa gano'y mawala ang nadaramang sakit. Pagsapit ng gabi ang paghahari ng kaingayan dahil sa kabila-kabilang mga nangangaroling. Sa hirap ng buhay, hindi magawang magbigay ng Aguinaldo at puro patawad, paano naman gaganahan magbigay kung puro sa "Aming Bahay" ang maririnig sa mga nangangaroling, masyado ng gasgas ang kanta. Maigi sana kung kakaiba pero malakas ang dating at kaakit-akit. Kahit may kasakitan ang Ngipin, itinuloy pa rin ang balak na paglilinis ng bulak. Dahil sa tiyaga kahit hindi biro ang ginagawa, sa wakas ay natapos din. Patuloy na naranasan ang pananakit ng Ngipin kaya halos hindi makatulog at napapangiwi na, kumakapit na lang sa dasal.

15 | 08 Walong araw na lamang at Pasko na.


December 18, 2016
Sunday
Year IV-353

9k-r. Madaling araw pa lamang ng Alas-tres, nagising na ko't bumangon na rin. Nawala na ang pananakit ng Ngipin kaya wala ng dahilan para hindi ituloy ang pagdalo sa Simbang Gabi. Kahit may kalamigan ang panahon at nakakangatog, hindi naman nito napigil ang naisin kong makapagsimba subalit minalas lamang ng lagay dahil kung kailan paalis na, saka naman bumuhos ang ulan. Pagkatungo sa Simbahan, marami-rami na rin ang nagsipagdalo na siyang resulta kung bakit wala ng maupuan at nagsimula na rin ang misa. Tungkol sa pakikipagtalik ang naging Homily ni Father at nagimbal ang kalooban ko nang kanyang ipahayag na dati, bago raw mag-isang dibdib ang babae't lalaki, kailangan muna nilang magsiping at kapag nalaman ng lalaki na hindi ito karapatdapat o sa madaling sabi, hindi na Virgin, kailangan daw patayin. Kawawa naman pala ang mga babae ng panahong hindi pa ipinapanganak si Jesus at binibigyan ng karapatan ang mga lalaki na pumatay.

9k-s. Bukod pa dun, winika din ng pari na kung sinumang lalaki ang makapagbukas ng bahay bata, nararapat na pagpalain at ang hindi'y kasumpa-sumpa raw. Ikinapaso ko ang binitiwang pahayag ng pari sapagkat paano ako makakapagbukas ng bahay-bata, isa akong binabae't sa lalaki umiibig. Gayunpaman, basta nakakagawa ka ng maraming mabubuti't magandang bagay sa mundo na kalugod-lugod sa Diyos, matatanggap ka pa rin sa kanyang kaharian kahit sino ka pa. Kahit paano'y may natutuhan sa Homily at iyon ay hindi dapat nilalaro ang Sekswalidad, itinuturing na banal na gawain sapagkat kasangkapan iyon ng Diyos sa paglikha ng bagong buhay. Sa tagal ng Misa de Gallo, inabot na ng bukangliwayway. Pagkauwi't dahil nababagot kung nakatihaya lamang sa kawalan, naisipan ko muling magtinda. Hindi lamang talaga mapigilang mairita sa tuwing may bumibili ng sigarilyo't sa totoo lamang ay hilabag sa kalooban ko na magbenta niyon. Kahit hindi nagpapakita ang araw, naisipan pa ring maglaba.

9k-t. Kung kailan naman aligaga ang lola niyo sa paglalaba, saka naman nagbabadyang umulan, may pagmamadali tuloy sa pagkusot at kuskos sa takot na maabutan. Nalintikan na't kung kailan nakapagsampay na, saka umulan. Tinatamad ng isilong kaya hinayaan na lang maulanan. Sa lamig ng panahon, hindi ko magawang maligo't tila mailap ang araw ngayon, hinuhudyat na magiging maulan at malamig ang darating na Pasko. Walang magawa't katamad din maglakwatsa kaya nanood na lang ng Telebisyon. Pagpatak ng gabi ang pagsisimula muli ng pang-arangkada ng mga nangangaroling subalit puro mga paslit na walang ibang inawit kundi sa aming bahay kaya nakakawalang ganang bigyan, kung bibigyan man, puro tigpipiso. Kasabay ng paglagom ng gabi'y lalo pang umigting ang nararanasang lamig kaya dama na talaga ang Pasko. Hindi pa dinadapuan ng antok kaya paggawa ng unan ang aking inatupag. Dakong Alas-onse na ng matapos iyon at saka lamang napagpasyahang matulog.  


14 | 07 Mayroon na lamang pitong araw bago sumapit ang Pasko.


December 19, 2016
Monday

Year IV-354

9k-u. Nasarapan sa pagtulog kaya hindi nanaman pinalad na makadalo sa Misa de Gallo at dakong Alas-siete na nagising. Dama pa rin ang malamig na panahon sa kabila na sumisilip na ang haring araw. Walang magawa kaya pagtitinda ang aking inatupag. Naging malakas naman ang bentahan at hindi na nga makapirmi sa iisang tabi pagkat sunod-sunod ang bumibili't kakahingal. Naantala rin ang iba kong gawain dahil maya't maya ang mga bumibili. Matapos ang pagiging buhay Tindero, pagiging buhay kasambahay naman ang ginampanan at halos bahingin na sa dami ng naiimis na alikabok. Sa dami ng aking ginampanan sa buong umagang iyon, bahagyang napagod at nakakaramdam na rin ng gutom. Nang maluto ang ulam ay mistulan akong palamuning pusa na nag-aantabay ng makakain at hala sige sa pagbanat na akalaing wala ng bukas.

9k-v. Matapos mananghalian, naisipang libangin ang sarili sa panonood ng telebisyon. Talagang lumalala na sa panahong ito ang Extra-Judicial Killings at maging hindi sangkot sa mga droga, napapatay dahil lamang sa napagbintangan o napagkamalan. Kaya naman karamihan sa mga Pilipino, natatakot na baka mabiktima ng Extra-judicial killings. Ngayon lamang nangyayari ang ganito na magkaroon ng kabi-kabilaang patayan araw-araw sa ilalim ng pamumuno ni President Duterte. Tapos ay balak pa ng Presidente na lima hanggang anim na convict ang bibitayin araw-araw oras na maibalik ang Death penalty. Mukhang malaki ang mababawas sa populasyon ng Pilipinas sa loob ng administrasyong ito. May magandang maidudulot ang Death penalty sapagkat makakatulong iyon para bumaba ang kriminalidad at droga, ang hindi lamang maganda'y paano ang mga mahihirap na napagbintangan lamang na walang pambayad para litisin ang kanilang kaso, kaya hindi masabi kung sasang-ayon ba o hindi.

9k-w. Kinahapunan, naisipang magtungo sa Computer shop at malapit-lapit ng gumabi nang makabalik sa bahay. Habang nagbabantay sa tindahan, naisipang magbasa ng bibliya at kahit malalalim at masyado pang teknikal ang mga ginamit na salita, pakiwaring gumagaan ang kalooban at nababawasan ang kasalanan. Marahil kaya nagkakaiba ang paniniwala ng bawat mga relihiyon sa Kristiyano ay sa kadahilanang magkakaiba ang pagkaunawa sa nakasulat sa bibliya, kaya hindi malaman kung sino ang dapat paniwalaan at kumakapit na lamang sa kung anong pinaniniwalaan ng kinagisnang relihiyon. Magkakaiba man ang paniniwala't kaugalian, ang mahalaga ay nagkakaisa para manalig sa Diyos.


13 | 06 Mayroon na lamang anim na araw bago sumapit ang Pasko.


December 20, 2016 

Tuesday

Year IV-355

9k-x. Mga bandang Alas-sais ng umaga ako nagising at kaagad bumangon. Pagkaalmusal, sinimulan ko ng mag-aral para sa darating naming pag-uulat sa Literature. Hindi naging madali sa akin ang unawain ang binabasang kwento pagkat lubhang kay lalalim, gayunpaman ay hindi ako umayaw at nagpatuloy sa pagbabasa. Nakakayamot lamang dahil kung kailan abala sa ginagawa, saka naman sunod-sunod ang dating ng mga mamimili't masyadong naabala. Pilit kong hinabaan ang aking pasensiya subalit kapag puyos ka na'y hindi mapigilan magbitaw ng hindi kagandahang salita pagkat tao rin tayo na may hangganan ang pagtitimpi. Sa sobrang haba, hindi ko na tinapos pa't napagpasyahang ipagpatuloy kapag may oras. Pagtitinda ang sunod na pinag-ukulan ng panahon. Habang nagbabantay ng tindahan, pagbabasa muli ng Bibliya ang inatupag.

9k-y. Bakit ganon ang ibang mga tao, alam na nga nilang iisa lamang ang Diyos at natatangi, nagagawa pang sumamba sa mga diyos-diyusan, hindi ko maintindihan sa kanila, hindi naman sila maililigtas ng tinuturing mga diyos dahil pawang mga kahoy at bato lamang subalit nagpapatuloy pa rin sa ginagawa't ginagawan pa ng altar at binibihisan. Diyos na ang bahala sa ginagawa nila't basta ako, iisa lamang ang aking Diyos, Diyos na lumikha ng mundong ginagalawan at Diyos na lumikha sa akin. Matapos ang gampanin sa pagtitinda, gawaing bahay naman ang napagkaabalahan. Kinahapunan at dahil nakakabukbok ang manatili sa bahay ngayong bakasyong grande, lakwatsa muli si ako. Sa bahay nina Regine (Miano) ako gumawi subalit tanging si Ate Bing lamang ang nadatnan na abalang-abala sa paglalaba. Balak ko na sanang umalis pagkat mukhang nakakaabala sa kanya pero umiral ang tuwa nang ibulalas na nakakaaliw daw ako, naparam parang bula ang hiya nang sabihin niya iyon kaya ipinagpatuloy ang pakikipagkwentuhan.

9k-z. Habang nanatili sa kanila, sadyang napakakulit ng mga anak nito. Tatlo pa man din sila at mga bata pa kaya ramdam ko kung gaano nahihirapan si Ate Bing sa pagsasaway at gaya lamang ng buhay ni Ate Anne ang buhay niya. Hindi talaga biro ang kakaharaping responsibilidad kapag magkakaanak ka't dapat ay apat na taon o higit pa ang pagitan nila sa isa't isa nang sa gano'y hindi mo sila sabay-sabay sasawayin at may makakatulong ka. Wala pang balak umuwi kaya sa bahay naman ni Angelica sunod na nagtungo't kahit higit isang buwan ng hindi nakakagawi sa kanila'y hindi naman tumabang ang pakikitungo nito sa akin, sa katunayan ay parang na-miss ang isa't isa. Nanatili ako sa kanila hanggang gabi. Habang papalapit ang yapak sa sariling tahanan ay inihahanda na ang sarili sa posibilidad na mabungangaan ni ina subalit hindi naman naganap ang pangamba, paano'y busy. May sigla't sayang nairaos ang araw na ito't nawa'y parating ganito.

12 | 05 Limang araw na lamang at Pasko na.

December 21, 2016 

Wednesday

Year IV-356

9l-a. Hindi muling pinalad na magising ng maaga para makadalo sa Simbang Gabi't dakong Alas-sais na nagising. Ang maganda sanang umaga, nabalewala dahil sa di inaasahang pagbubunganga ni ina. Hindi malaman kung bakit sadyang napakainitan ng ulo nito't kaliit-liit na bagay, pinoproblema't ginagawan ng isyu. Maging ako'y nabuntunan niya ng kumukulong ulo't tila buhangin sa dami ng satsat, hinayaan na lamang ito para hindi na lumala pa ang sitwasyon. Bahagya lamang nanakit ang kalooban ng sabihin nitong umalis daw ako, di raw kailangan at grabe siya makapagbitaw ng salita, hindi pinag-iisipan kung anong magiging damdamin ng taong pagbubulalasan nito. Kinalaunan ay tumigil din ito sa pagbubunga, marahil ay napagod na't kailangan ng masanay sa kanya, lalo na't nasa menopausal stage na.

9l-b. Gayunpaman ay binalewala na lamang ang nakakapasong salitang kanyang binitawan at dala lamang marahil ng init ng ulo. Walang magawa kaya paglilinis sa loob ng bahay ang iginugol. Sumunod ay paglalaba ang inatupag ko't halos matuklap na ang balat ng palad sa kakakusot. Kaagad din naman ako natapos at heto muli ang sikmurang nag-aabang ng lalamunin. Pagpatak ng hapon, balak sana muling maglakwatsa at tumungo sa bahay ng kaibigan, kaso ay baka umusok muli ang ulo ni ina na siyang hindi ibig mangyari sa ngayon kaya nanatili na lamang sa loob ng bahay at naisipang manuod ng Video. Train to Busan ang tinunghayang pelikula't ikanginginig mo sa sobrang takot kung aktwal mong kaharap ang di mabilang na mga Zombie at hinahabol ka para lapain ka. Nag-uumapaw talaga ang thrill at napapatayo ang balahibo habang nanonood. Sa totoo lamang ay walang sinabi ang horror movie ng Pilipinas sa gawa ng Korea at aakalaing totoo, mula sa mga nagsipag-ganap maging sa pangyayari.

9l-c. Nakakalungkot lamang ang naging ending sapagkat maging ang bida na sa una'y matinik sa mga Zombie, nahawa rin ng strain nito't kinailangan pa niyang magsakripisyo para hindi madamay ang asawa't anak nito. Medyo nahumaling sa panonood ng Train to Busan kaya hindi namalayang dalawang oras na pala ang nakakalipas. Pagpatak ng gabi ang pag-iral muli ng malamig na panahon kaya naman halos ikangatog na sa ginaw. Bago matulog, naisipan muling manood ng pelikula. The things fall apart naman ang naisipang tunghayan at ito ay tungkol sa mga tribo na naninirahan sa bansang Nigeria, balak sanang tapusin sapagkat makakatulong iyon para sa report namin sa Literature, kaso mugto na ang mata sa antok at malalim na rin ang gabi, napagpasyahang ipagpatuloy na lang bukas.   

11 | 04 Apat na araw na lamang bago sumapit ang Pasko. Labing-isang araw naman bago ang Bagong Taon.


December 22, 2016 

Thursday
Year IV-357

9l-d. Naging napakalamig ng panahon kaya Alas-sais na't sumisikat na ang bukangliwayway subalit ibig pang humilata ng lagay sa kama't magmuni-muni. Sa lamig ng panahong bitbit ng Hanging Amihan ay sino ang hindi tatamaring bumangon at magkakasakit ka pa. Pagkaalmusal at upang matanggal ang bumabalot na lamig sa katawan, kaagad na binilad ang sarili sa arawan. Sa tindi ng lamig, maging makasunog-balat na sinag ng araw ay hindi maramdaman ang init nito kahit tagalan ang pagbibilad. Matapos ang pagbibilad, sinimulan na ang gawaing bahay. Maya-maya'y tumungo ako ng Computer shop para gumawa ng Slideshow Presentation. Sa dami ng dapat isulat ay lumipas na ang dalawang oras pero hindi pa rin natatapos, lumalaki na rin ang pag-upa sa Shop kaya napagpasyahang ipagpatuloy na lamang sa ibang panahon. Kasing init na naglalagablab na baga ang sermon na isinalubong sa akin ni ina pagkauwi ko't kahit anong paliwanag, tila hindi nito pinapakinggan at tuloy-tuloy lamang sa pagkuda.

9l-e. Galing din manumbat na tipong ipinapamukha na pabigat ako kaya doon na nagsimulang magpuyos ang dibdib. Matimpiin akong nilalang pero kapag nasagad na'y pasensiyahan na lamang. Sa puntong iyon ay nagawa ng makipagsagutan sa kanya. Paano, sa tuwing aalis ako ng bahay ay parating may kalakip na sermon sa kanya na tipong ang laki ng nagawang kasalanan sa Mundo. Hindi rin naman nagtagal o lumala ang sagutan naming dalawa't hangga't may pagmamahal ka sa tao'y magagawa siyang intindihin sa abot ng iyong makakaya, kahit nasasaktan ka na sa sinasabi nito. Kahit nabungangaan ng pagkarami-rami ay sige lamang sa paglantak ng niluto nitong ulam pagkat kanina pa pipi ang Bituka sa gutom.

9l-f. Pagpatak ng hapon at gawa na nababagot manatili sa bahay, naisipang lumipa. Sa bahay muli nina Angelica ako nagtungo, wala ito nang aking datnan, iyon pala'y abala sa paglalaro ng Bingo. Sa una'y nuod-nuod lamang ako't walang balak makisali sa kanilang laro pero nang makitang nakakaaliw ito, kahit batid na sugal iyon ay sumali ako. Makailang ulit ng tumataya subalit tila mailap sa amin makabinggo't nakaka-frustrate. Palagi man natatalo, hindi naman kinimkim sa dibdib pagkat kasiyahan lamang iyon subalit nakakapanghinayang dahil hindi naibabalik sa'yo ang perang ipinangtaya. Habang naglalaro ng Bingo'y sumagi bigla sa isipan ko ang panahong kalahok sa MATHO Contest nung sekondarya pa lamang kasama ang mga kamag-aral at kahit challenging ay nakakaaliw naman at nalilinang ang abilidad mo sa pagso-solve.

9l-g. Iyon nga lamang, hindi pinalad na makatamo ng papremyo't patunay ngang swertihan ang pahunan at hindi talino. Medyo nasarapan sa paglalaro ng Bingo kaya halos di na maawat kahit naghihingalo na ang pitaka. Ilang sandali pa'y tuluyan na kaming umayaw. Kwentuhan kaming dalawa't maya-maya'y kulitan at ang saya. Sa saya, inabot na ko ng gabi sa kanila. Pagkauwi'y panonood agad ng telebisyon ang inatupag at nagimbal ang kalooban sa tampok na programa ng Investigative Documentary pagkat mayroon pa lang isang relihiyon na sinasamba ang tao sa halip na Diyos na kung tawagin ay mga Rizalista. Dito ay itunuturing nilang higit pa sa bayani si Jose Rizal kundi diyos at sinasamba nila ito.

9l-h. Sa totoo lamang ay kabaliwan ang ginagawa nila at hindi ba nila inisip na paglapastangan iyon sa ating Diyos na tapaglikha't nilabag pa nila ang isa sa utos nito. Bukod pa dun ay Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang itinuturing nilang banal na aklat sa halip na Bibliya. Oo at malaki ang naitulong ni Rizal sa ating bansa nang panahong nasa kamay ng mga Kastila subalit hindi dapat ganoon ang pagkilala sa kanya. Ang tunay na Diyos ay siya yung lumikha ng sanlibutan, hindi isang bayani dahil hanggang doon lamang siya at walang makakapantay ninuman sa Diyos. Magagawa ko pang irespeto ang paniniwala ng ibang relihiyon pero yung sa kanila, hindi katanggap-tanggap at di sila maililigtas ng diyos na itinuturing nila! Basta ako, iisa lamang ang Diyos, Diyos na lumikha sa akin at sa buong mundo.        


10 | 03 Mayroon na lamang tatlong araw at Pasko na.


December 23, 2016 

Friday
Year IV-358

9l-i. Lalo pang umigting ang nararanasang lamig ng panahon kaya nahirapan muling bumangon ng maaga, hindi tuloy nakadalo sa Simbang Gabi. Dakong Alas-siete na ako nagising at kahit may nakaambang bagyo na nagbabantang manalasa sa mismong araw ng Pasko, nanatiling maaraw ang panahon. Dalangin na lamang sana'y lumihis ang bagyo nang sa gano'y maging maligaya ang pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon. Matapos mag-agahan at gawa na nababagot, pagbabasa muli ng kwentong pinamagatang The Things fall apart ang inatupag. Sa haba ng kwento na malanobela, inabot ng dalawang oras bago ito matapos at makabuluhan ang nilalaman ng kwento't kapupulutan ng maraming aral. Sumunod ay namalantsa ako ng uniporme't kahit namamayani na ang gutom sa aking Sikmura, hindi ako huminto sapagkat pursigidong matapos ang pamamalantsa.

9l-j. Sa sipag kong ito, nagawang tapusin kahit sandamakmak ang kailangang plantsahin. Lugmok na lugmok na ang Mata sa antok kaya matapos mananghalian, nagpahinga muna ako. Kinahapunan, tumungo ako sa Computer shop para gawin at tapusin ang Report presentation sa Industrial Psychology. Balak na sanang tapusin sapagkat kakaunti na lamang kaso kinakapos na sa pera pambayad ng upa kaya napagpasyahang sa ibang araw na lamang. Malasili't nagbabagang sermon agad ni ina ang sumambulat sa aking pag-uwi't sadyang napakabungangera nito kaya hindi maiwasang mabanas. Kasimple-simpleng bagay, masyado nitong pinoproblema't tila ipinapamukha niya sa akin na walang naitutulong.

9l-k. Magpapasko na subalit pakiramdam ko nitong mga nakalipas na araw ay parang tumatabang ang pakikitungo niya sa akin, paano'y madalas napagsasalitaan ng hindi maganda. Bukod pa dun, dahil sa tindahan na iyan ay nasisira ang samahan namin, paano'y mas iniintindi pa niya iyon kaysa maglaan siya ng oras para sa akin na gawin ang bagay na karapatdapat, kaya nawawalan din ng oras at naantala ang ginagawa sa kadahilanang inaasikaso ang bumibili, masyadong abala. Hindi ko naman sinabing nakakasama ang Tindahan, ang problema'y nagkakaganyan siya dahil dun lalo na sa tuwing aalis ako. Pakiramdam niya kasi hindi ako marunong tumulong! Kinagabihan at pagkapanood sa balita, mukhang magiging masalimuot ang darating na Pasko sapagkat sasabayan ito ng Bagyo't may kalakasan pa ito kaya hindi biro ang kakahinatnan sa mga lugar na tatamaan nito. Mabait ang maykapal kaya tiwalang hindi pababayaan at mapapahamak sa peligrong hatid ng Bagyong Nina.


09 | 02 Dalawang araw na lamang bago sumapit ang Pasko at nawa'y malusaw ang bagyo o lumihis.


December 24, 2016 

Saturday
(Christmas Eve)
Year IV-359

9l-l. Huling araw ng Misa de Gallo at Bisperas ng Pasko. Hindi nanaman pinalad na makadalo sa Simbang Gabi sapagkat tinanghali na ng gising, umiiral din ang malamig na panahon kaya katamad bumangon at ibig pang humilata sa kama at ibalot ang buong katawan sa makapal na kumot. Dahil mamayang hating-gabi na gaganapin ang Noche Buena, halos lahat na dito sa amin ay abalang-abala na sa paghahanda at hindi na mapipigilan kahit may paparating na bagyo. Umulan o umaraw o kahit bumagyo pa, basta Paskong Pinoy ay hindi patitinag, iyon nga lang ay hindi rin maiwasang malungkot kapag maulang idaraos ang Pasko't pakiwaring pinagsakluban ng langit at lupa. Kahit naririto sa Pilipinas ang presensiya ng bagyo, thank God dahil sumisilip ang haring araw. Saka lamang nakapaghanda-handa ng panghanda si ina ng dumating si Papa galing Christmas Party at laking tuwa ko nang bigyan niya ko ng pera sa halagang anim na raan. Sa sobrang saya ko, halos mapalundag na't paulit-ulit na nagpasalamat sa Maykapal.

 9l-m. Kahit nagkaroon ng alitan kahapon at kinaiinisan ko ang magtinda, nagtinda pa rin ako sapagkat walang maasahan sa amin negosyo. Dahil may okasyon, naging napakalakas ng bentahan at paspasan na sa pagkilos sapagkat nagkasunod-sunod ang mamimili. Karamihan ay puro mga bata ang bumibili't dahil wala pang gaanong alam sa Mundo, hindi mo rin maintindihan kung ano ang binibili't ang kukulit pa. Walang ginawa kundi habaan ang pasensiya kahit iritable na ng lagay. Naging aligaga ako sa pagtitinda kaya hindi maiwasang ma-stress at grabe, hindi biro ang maging tindero lalo na't nagkasabay-sabay ang mamimili't di mo malaman kung sino ang uunahin. Sa sobrang abala ko sa pamamahala sa tindahan, mukhang hindi matutuloy ang balak na makapaglakwatsa mamaya. Hindi na rin nakapag-siyesta pagkat ako ang namahala sa tindahan hanggang sa pagpatak ng hapon. Nang matapos si ina sa pagluluto ng panghanda, saka lamang nagkaroon ng panahon para maglakwatsa. Kina Angelica ko naisipang magtungo, sobrang abala ito sa pagluluto ng panghanda kaya hindi rin ako nagtagal.

9l-n. Kina Precious Jane na lamang ako nagtungo't batian at tamang kwentuhan kaming dalawa. Napasarap ang usapan lalo na nung ipakilala niya sa mga pinsan nito kaya inabot na ng gabi sa kanila. Kasabay nang pagsapit ng gabi ang kaliwa't kanang ingay na maririnig dahil sa mga tugtog at Christmas Party, nagsimula na rin dumami ang mga bata para mangaroling at bawal na ang tawad-tawad dahil Pasko. Sa kakapamahagi ng Aguinaldo, tila masasaid ang lamang pera sa alkansya, iyon nga lamang ay kailangang maging Vigilante sapagkat may mga batang maloko't maaring isahan kung tatanga-tanga. Magsisimba pa kami nila Kaka kaya dakong Alas-otso nang ako'y magbihis-bihis.

9l-o. Alas-nuebe na, oras na napag-usapang tutungo sa simbahan subalit hindi pa sila nakakarating ng bahay kaya napagpasyahang puntahan sila Kaka. Pagkatungo'y hindi pa pala ito nakakapagbihis at nabanas ako pagkat kailangan pa itong ilibre, Pasko naman kaya hindi ako naging madamot sa kanya pero ng makitang wala talaga itong pagkukusa't ang arte-arte pa, napagpasyahang huwag ng sumama sa kanila. Ayaw ko sa lahat ng tao'y inaabuso ka. Sa halip na sa Simbahan dahil walang kasama, tumungo muli kina Angelica. Saktong naroroon na si Rachid maging ang mga kapatid nito at batian kami. Naiingit ako sa kanila sapagkat kahit hikahos sa buhay, sama-sama nilang idaraos ang Noche Buena mamaya't ang saya pa nila.

9l-p. Kahit lumalalim na ang gabi, wala pang balak umuwi at kila Cathy naman sunod na nagtungo. Saktong gising pa ang mga ito maliban kay Ate Ging na himbing na himbing sa pagtulog. Bukod kila Cathy, nandoon din ang kasintahan nito na si Kenneth at halos dumugin na ng mga guyam ang dalawa sa sobrang tamis ng suyuan, ayaw kong makasira sa Moments nilang dalawa kaya hinayaan muna at kina Jaka nakipagpalitan ng kuro-kuro. Pagpatak ng Alas-onse, naisipan ko ng magpaalam sa kanila at umuwi. Habang sinasalubong ang Pasko, walang ginawa kundi lumamon sa lutong handa't magpakabusog-busog. Lalo pang umigting ang kasiyahan sa bawat kapit-bahay at wala nang ibang maririnig kundi palitan ng batian sa isa't isa.


08 | 01 Isang oras na lamang bago sumapit ang Pasko.


December 25, 2016
Sunday
(Christmas Day)
Year IV-360

9l-q. Ganap nang sumapit ang Alas-dose, hudyat nang pagsapit ng Pasko kaya naman ang mga kapit-bahay, hindi na magkandamayaw ang kasiyahan. Kaming dalawa na lamang ni Mama ang gising na abalang-abala sa pagtitinda kaya kami na lamang ang nagdaos ng Noche Buena. Matapos salubungin ang Pasko ng may saya pero pagod na, kaagad ng natulog. Dakong Alas-otso na nagising at sa kabila na magiging maulan daw ang Pasko dahil sa bagyo sabi ng PAGASA, nagkakamali sapagkat nanatiling maaliwalas ang panahon at nawa'y ganito na lamang hanggang sa matapos ang pagdiriwang ng Pasko. Umaga pa lamang, marami ng mga bata na akay-akay ng kanya-kanyang magulang ang pakalat-kalat sa lansangan at nagbabahay-bahay upang humingi ng Aguinaldo. Kahit malaki na't nasa hustong edad na rin, sa kagustuhang magkaroon ng pera para matustusan ang sariling pangangailangan at kagustuhan, naisipan ding mamasko.

9l-r. Minsan lamang ito sa isang taon kaya hindi dapat mahiya ngayong Pasko sapagkat nananiniwala ako sa kasabihan na kapag makapal ang mukha, makapal din ang bulsa. Kung puro hiya ang paiiralin, parang pinakawalan na rin ang pagkakataong makalikom ng pera na siyang hindi ko nais na mangyari at hindi matatapos ang araw na ito na walang napamaskuhan. Tanging handa namin nitong Noche Buena ang naging agahan at sa dami ng kinain, halos hindi na makakilos sa sobrang kabusugan. Matapos kumain ay kaagad nang nagbihis para mamasko. Sa bahay ng Auntie Andrea ako nagtungo. Kanina, sabik na sabik akong humingi ng pamasko sa kanila't malakas ang loob subalit nang makita ang kalagayan ng Auntie Andrea, biglang sumipa ang konsensiya sa dibdib at nahabag ako.

9l-s.  Mukhang walang-wala din sila kaya nawalan ng lakas ng loob na humingi ng Aguinaldo't sa awa, parang ibig na silang bahagian ng aking pera. Laking tuwa ko ng dumating si Tito Allan at sa di inaasahan ay inabutan niya ko ng pamasko. Kaagad din akong umalis nang makapamasko't sa bahay naman ng Auntie Caling nagtungo. Nasa dila ko na ang katagang "Mamasko po ako" subalit biglang umurong nang makita ang kalagayan ng Auntie Caling at nakaratay ito sa kama. Sinabi niya sa akin na limang buwan na itong hindi nakakatayo dahil sa iniinda na sakit na kung tawagin ay Thrombosis at sa totoo lamang ay muli akong nakaramdam ng habag. Kahit hindi ito nakakatayo, nakakausap naman ito't sarap niyang kakwentuhan.

9l-t.  Nandoon din ang Tita Haydee at balak sanang mamasko sa kanya pero pinangunahan na ng hiya. Umalis tuloy akong walang natanggap na pera pero hindi naman nadismaya dahil nabigyan ng pagkain. Sa mga nangyaring iyon, doon ko natutuhan na mas mahalagang unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili mong kapakanan, hindi din maganda ang maghangad ng mataas dahil nakakalugmok ng damdamin kung ikaw ay mabigo, dapat sakto lamang. Saktong naroroon sila Ate Anne pagkauwi ng bahay na humihingi ng Aguinaldo kina Mama. Kamustahan kaming dalawa't masaya itong kakwentuhan kaya lalo pang sumaya ang Pasko ko. Mamasko pa ko kay Ninang Edith kaya muling nagpalit ng kasuotan. Bago ko ituloy ang aking lakad, sinamahan ko muna sina Ate Anne patungo kila Auntie Andrea. Tanging sina Tito Allan at Ate Bulehn lamang ang nadatnan namin. Maya-maya'y dumating na rin sina Tita Yetet kaya lalo pang naging makwela ang kwentuhan at salo-salo din sa kainan. Mukhang nasasayang na ang oras sa pananatili sa kanila kaya kinailangan ko ng humiwalay kina Ate Anne.

9l-u. Pagkatungo sa bahay ng Ninang Edith, sarado ang bahay nito subalit kumatok ako, nagbabakasakaling may tao sa loob. Nakailang katok na ko't pinatunog na rin ang doorbell subalit walang nagbubukas, sa puntong iyon ay napagpasyahan ng umalis. Marahil ay may pinuntahan ang Ninang kaya walang nagbubukas at nagsayang lang ng pamasahe patungo sa kanila. Wala pang balak umuwi kaya naisipan kong gumawi kina Annie doon sa Tandang Sora. Laking tuwa ko sapagkat naroroon ito't tamang batian at kwentuhan lamang kami. Bukod kay Annie ay nandoon din sina Gelyn at James (Miano) at iba pa nitong mga kapatid kaya naging masaya ang pagbisita ko sa kanila. Dakong Alas-otso nang gabi na ako nakauwi't diretso nuod ng telebisyon. Kahit nagbabantang manalasa ang Bagyong Nina o nanalasa na sa ibang dako ng Pilipinas, pasalamat pa rin sa Diyos dahil naging maulan ang Pasko at kahit paano'y naging masaya at makabuluhan ang araw na ito sa akin.


07   Merry Christmas! Pitong araw na lamang bago sumapit ang Bagong Taon. Nawa'y sa pagdaan ng unos ay walang makaltasan ng buhay at maging babahagya lamang ang maidulot nitong pinsala nang sa gano'y masayang sasalubungin ang papasok na 2017.


December 26, 2016 

Monday
Year IV-361

9l-v. Kakatapos lamang nang pagdiriwang ng Pasko't kakaharapin naman ang pagsalubong sa Bagong Taon subalit bago magtapos ang taong ito'y may unos pang kakaharapin. Dahil ngayong araw inaasahang hahagupit ang Bagyong Nina dito sa Kalakhang Maynila, ganap ng sumapit ang umaga subalit ang kalangitan, tila madaling araw pa lamang sa dilim, nagsisimula na rin humampas ang malalakas na hangin subalit hindi pa naman kalakasan ang ulan, mukhang damang-dama na talaga ang Bagyong Nina kahit mamayang hapon pa ito darating at sa may parteng Batangas ito tatama. Ilang sandali pa, bumuhos na ang napakalakas na ulan subalit hindi naman sinabayan ng malalakas na hangin. Tumagal ang malakas na ulan ng halos isang oras at sa paghupa nito, biglang lumiwanag ang kalangitan, maging pag-ihip ng hangin ay parang bula kung mawala.

9l-w. Marahil ay nakalayo na ang bagyo subalit hindi nakasisiguro. Pagkarinig sa balita, lumihis ang bagyo. Laking pasalamat sa maykapal dahil nakaligtas kami sa bagsik ng Bagyong Nina. Hanggang sa sumapit ang tanghali, tuluyan ng gumanda ang panahon at tila himala itong nangyayari. Nakaligtas man sa bagyo, lubha naman napuruhan ang buong Kabikulan maging ang Katimugang Luzon sa pagdaan ng bagyo't halos wala ng matira sa mga kabayahan pagkat wasak-wasak. Nakakalungkot isipin na sa mismong araw pa ng Pasko naganap ang ganung kalaking delubyo't paano na kaya nila sasalubungin ang paparating na Bagong Taon ng may saya at kulay, ngayong inararo sila ng napakalakas na bagyo.

9l-x. Sa lawak ng pinsalang dulot ng bagyo, mukhang aabutin pa ng isa o dalawang taon bago sila makabangon at ihahalintulad mo sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Yolanda at Lawin. Dalangin sa maykapal na magpakatatag sila't hindi pababayaan. Kahit hindi nasalanta ng Bagyong Nina, mukhang hindi magiging masaya ang dating ng Bagong Taon dahil sa ibang kababayan na nagdurusa mula sa hagupit ng bagyo. Napinsala man ang mga ari-arian, nawa'y walang masawi't ligtas pa rin sila. Diretso tulog ako matapos manuod ng telebisyon. Kinagabihan at dahil hindi pa makatulog, tamang kinig muna ng awiting pag-ibig. Dakong Alas-onse na ng mapagpasyahang matulog.


06 Anim na araw na lamang bago sumapit ang Bagong Taon. Itinumba man ngayong 2016 ng malulupit na unos, marami namang pag-asang naghihintay sa pagpasok ng 2017.


December 27, 2016 

Tuesday
Year IV-362

9l-y. Nakalampas na rin ang unos na matinding dumagok sa buhay ng iba nating kababayan gaya ng problema na dumarating subalit kung palilipasin ay malalampasan din. Sa lamig ng panahon, sinipon na ko kaya hindi naging maganda ang gising ngayong umaga. Kahit sumasama ang timpla, itinuloy ko pa rin ang balak na maglaba. Sa sobrang aligaga sa paglalaba, halos manakawan na ng lakas subalit ang mahalaga'y naipapakita ang silbi't may naitutulong. Matapos ang paglalaba, pagtitinda naman ang inatupag. Katamad magbenta ng bilihin kung puro mga bata ang bumibili't nakakaubos ng pasensiya dahil sa kakulitan subalit hinahabaan na lamang ang pasensiya. Maya-maya pa'y tanghalian na't kailangan muling lamnan ang sikmurang kanina pa naghihintay ng grasya.

9l-z.  Pagpatak ng hapon, dumako ako ng Computer shop para gumawa ng report presentation. Gagawin ko na sana subalit hindi makapagsimula sapagkat hindi pala naka-install sa kanilang shop ang mga Microsoft office na supported sa ginawa kong presentation, naisipan kong dumako ng ibang shop. Kung kailan patungo ako, bigla nagbago ang isip at naisipang gastusin ang napamasko pambili ng Tsinelas sapagkat walang sariling tsinelas. Isang buwan na rin pala hindi nakakapagpagupit at gustuhin man palaguin pa ang buhok hanggang talampakan para literal na masabing "Haba ng hair"  subalit may tamang panahon para diyan. Kay Mang Usman ako nagpagupit at kahit kailan talaga, puro kalibugan ang laman ng topic kapag ito'y kausap kaya hindi maiwasang maumay, natatawa na lamang ako sa kanyang pinagsasabi.

9m-a. Sa sobrang umay ko, ibig ng sabihing "Init lang ‘yan ng katawan, maligo ka na."  Iniiba ko na lamang ang usapan subalit pilit niyang ino-open, hindi na rin nahiya dahil maraming tao ang nakakarinig. Hindi naman masama ang pakikipagtalik dahil kasangkapan iyan ng panginoon sa paglikha ng nilalang, the point is, it should be private, dahil may murang isipan ang makakarinig at baka masira ang buhay dahil natutuhan niya iyon. May binili pa ko kaya madilim-dilim na ng makarating ng bahay at mistulan nag-shopping sa dami ng binili. Kinagabihan at gawa na bagot na bagot, tamang panonood muli ng telebisyon. Dakong Alas-onse nang mapagpasyahang ihimlay ang sarili sa kama.


05 Mayroon na lamang limang araw bago sumapit ang Bagong Taon, malapit na!

December 28, 2016 

Wednesday

Year IV-363

9m-b. Lalo pang umigting ang nararanasang lamig ng panahon kaya umaga na subalit heto pa rin ako na nilalasap ang paghilata sa katre't katamad bumangon. Malapit ng pumatak ang Alas-otso kaya tumihiya na ko't nag-agahan. May mahalagang lakad ngayon si Mama at gawa na walang magbabantay sa aming negosyo, ako muna ang nakatoka para magtinda. Masiglang-masigla ang bentahan lalong lalo na ang mga Ice Candy at Jelly Ace na karaniwang bumibili ay mga bata. Sa alinsangan ba naman ng panahon ngayong taglamig maging mga kasing edad ko o matatanda'y patok na patok ang Ice Candy. Sa sobrang lakas ng bentahan, halos hindi na makaupo. Buong umaga'y pamamahala sa tindahan lamang ang inatupag at sa sobrang abala ko, hindi namamalayang tanghaling tapat na't kailangan ng lamnan ang Sikmurang kanina pa kumakalam. Ilang sandali pa, sa wakas ay nakauwi na rin si Mama at tamang lantak lamang sa hatid nitong pasalubong. Sa dami ng nakain, halos ikabundat na sa kabusugan.

9m-c. Pagpatak ng hapon ay tumungo ako ng Computer shop para gumawa ng Slide Presentation. Sa tiyaga ko kahit hindi kanais-nais ang mga nasa paligid, natapos din ito kaagad. Wala pa sa isipan ko ang umuwi kaya nagtungo pa sa bahay nina Regine (Miano). Saktong kakapanganak pa lamang ni Shiela nitong isang araw sa pangalawang pagkakataon at Juan Miguel ang ipinangalan dito. Animo'y kamatis ang mukha nito sa kapulaan at lubha pang napakaliit subalit di nangangahulugan na hindi normal ang kanyang kondisyon. Napaka-cute ng sanggol kaya parang ibig ampunin. Habang inilalahad ni Shiela ang karanasan nito habang nanganganak, hindi pala biro't sakit at hapdi ang kakaharapin. Bukod pa dun kapag hindi mo kinaya, baka mauwi sa kamatayan. Hindi din talaga biro ang maging babae pagkat sila ang nagdadala ng panibagong buhay na may kaakibat na hirap.

9m-d. Kaya kahit ipinanganak na barako pero bulaklakin ang puso, hindi na maghahangad pa na maging gaya nila pagkat kuntento na sa kung anong ipinagkaloob ng maykapal. Napasarap ang pananatili ko sa kanila dahil masayang kakwentuhan kaya inabot na ng gabi. Pagkarating ng bahay at habang tutok ang mata sa panonood ng telebisyon, bigla na lamang nanggigil ang kapatid kong may kapansanan at mistulan itong nagwawalang hayop. Pilit namin itong pinapakalma subalit hindi mawala-wala ang pagka-hyper nito kaya walang maisip na paraan kundi pagbuhatan na ng kamay para tumigil. Gabi-gabi na lamang, sa tuwing manonood kami ng Telebisyon ay biglang nagsisigaw-sigaw na halos ikarindi na namin.

9m-e. Nakakaawa siya dahil nagagawang saktan na siyang hindi nararapat sa isang gaya niyang may Autism. Sa totoo lamang nitong mga nakalipas na panahon ay lumalala na ang kanyang kondisyon at hirap ng kontrolin, masyadong pasaway at nagwawala kapag pinipigilan mo sa kanyang nais, kaya napapaisip na kung ipapasailalim siya sa Therapy ni Ma'am Joyce nang sa gano'y mabawas-bawasan ang hatid nitong pasakit sa amin.  Nagdilim talaga ang paningin ko sa kanya ng panahong iyon kaya nakaligtaan na ang responsibilidad na alagaan at intindihin. Nag-aaral ako ng kursong Psychology na para sa kanya subalit nagagawa pa rin pagbuhatan ng kamay at tingin ko sa sarili, sa mga oras na nagagawa iyon sa kanya, sumasagi sa isipan na ang lupit ko palang kapatid. Gulong-gulo lamang marahil ang isipan at di alam ang gagawin sa kanya kaya napagbubuhatan ng kamay. Malupit na kung malupit na kong kapatid sa kanya subalit di nangangahulugan na walang pagmamahal sa kanya, patawan nawa ng Maykapal pagkat napakalaki ng kasalanan sa kanya.


04 Mayroon na lamang apat na araw bago sumapit ang Bagong Taon.


December 29, 2016 

Thursday

Year IV-364

9m-f. Napasarap ang tulog ko kaya malapit ng sumapit ang Alas-nuebe nang magising. Pagkalapat ng agahan sa Sikmura, pagtitinda agad ang siyang inatupag. Gaya ng kahapon ay masigla pa rin ang bentahan at hindi na nga halos magkandaugaga pagkat maya't maya ang dating ng mamimili. Habang nagtitinda't naghihintay ng mamimili, pagbabasa ng kwento ang inatupag. Natutuwa ako sapagkat may mga taong nakaka-appreciate sa kasipagan ko na pa lalo nagbigay ng gana sa pagbabasa. Kapag inspire ka nga naman, kahit tingin mo imposible at hindi biro ang bagay na binubuno, makakayang kaharapin at lampasan. Pagpatak ng tanghali, animoy nasa pugon ka pagkat napakaalinsangan ng panahon. Sumapit na ang hapon subalit nanatili pa ring maalinsangan ang panahon kaya ang balaking makapaglakwatsa, naudlot pagkat tinatamad dahil sa init ng panahon. Walang magawa kaya pagtitinda muli ang napagkaabalahan.

9m-g. Maghahapunan nanaman pala't may kanya-kanyang pinagkakaabalahan sila Mama at Papa kaya ako na ang nagluto. Pumapalya man palagi sa pagluluto, umaasang matututo balang araw at magiging kasing husay ng mga Chef. Tamang kain lamang matapos magluto't sarap lumamon ng pagkaing pinaghirapan mo kahit hindi masarap. Hindi pa madalaw ng antok kaya nagpahangin muna sa labas at nilasap ang preskong hangin. Pumatak na ang Alas-dyis nun kaya nakakabingi na ang katahimikan. Masarap tumira sa lugar na payapa't makakatulog pa ng maayos, animo'y malayo sa kaguluhan at nawa'y parating ganito. Kung ako lamang ang may-ari ng lugar na ito, walang puwang ang mga maiingay at walang ginawa kundi makipag-away. Napasarap ang relax ko sa duyan kaya dakong Alas-onse y medya na naisipang matulog.


03 Mayroon na lamang tatlong araw bago sumapit ang Bagong Taon.


December 30, 2016 

Friday
(Rizal Day)
Year IV-365

9m-h. Dalawang araw pa bago kumagat ang panibagong taon at ito rin ang araw para gunitain ang kamatayan ng hinirang na pambansang bayani na si Jose Rizal. Kung iyong babalikan ay kahanga-hanga ang katapangang kanyang ipinakita pagkat ipinagtanggol nito ang ating bayan. Daang taon na ang nakakaraan subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin nabubura sa isipan ang kanyang kabayanihan, iyon nga lang, iilan na lamang ang nakakaalala sa araw na ito. Tinanghali muli ako ng gising at dahil bakasyon grande pa rin, iginugol muli ang oras sa pagtitinda. Anong hirap nga naman ang magtinda kapag magkasunod-sunod ang mamimili't halos hindi na magkandaugaga. Kahit na ganoon ay masaya naman dahil malakas ang bentahan at hindi nilalangaw ang paninda.

9m-i. Pagtitinda lamang ang siyang inatupag hanggang sa sumapit ang tanghaling tapat. Saka lamang ako nagkaroon ng panahong makapaglakwatsa pagpatak ng hapon at sa bahay muli ng Regine (Miano) naisipang bumisita. Wala sina Regine ng aking datnan maliban kina Ate Bing at Aling Gina na nagpapahangin malapit sa may Sapa, sila ang naging pampalipas oras ko. Habang kakwentuhan ang Ate Bing, gulantang ang kanya-kanyang mga dibdib dahil sa mga batang nagpapaputok. Kung makasindi ng labintador, tila walang takot sa maaari nilang kasapitan at pinaglalaruan pa. Sa oras na sisindihan ang paputok, mabilis pa sa Alas-kwatro kung magtakip ng teynga dahil di pangkaraniwan ang lakas ng putok nito. Ang bilis nga naman ng panahon at dadako muli sa panibagong taon.

9m-j. Maya-maya pa'y nagkita na kami ni Regine at pinag-usapan ang tungkol sa exchange gift na gaganapin bukas. Wala pang balak si ako na umuwi kaya gumawi pa kay kumareng Angelica at tsikahang walang hanggan. Saktong naroroon si Rachid kaya maambunan muli ng kanyang katalinuhan at tagisan kami sa pagsagot ng tanong sa Telebisyon. Napasarap ang pananatili ko sa kanila kaya inabot na ng gabi sa pag-uwi. As usual, lalamon muli ako kaya si ina, dinakdakan ako ng sangkaterba. Hindi pa dinadapuan ng antok kaya nilibang muna ang sarili sa panonood ng video. Sumapit na ang Alas-onse nang mapagpasyahang matulog.


02 Dalawang araw na lamang ang nalalabi, Bagong Taon na!


December 31, 2016 

Saturday

(New Year's Eve)

Year IV-366

9m-k. Huling araw para sa taong ito at Bisperas ng Bagong Taon. Sa hinaba-haba ng taong ito, kung iisipin ay napakarami na palang nangyari sa aking buhay na masasaya at malulungkot at minsan ay masasakit pa nga subalit pasalamat pa rin sa Diyos dahil lahat ng iyon ay nalampasan ko. Ngayong papasok nanaman tayo sa panibagong taon ay palaisipan kung ano pa ang bagay na naghihintay at nawa'y kayanin ko pa. Kakayanin naman basta nandito ang Maykapal na handa kang tulungan sa lahat ng oras kahit ang ilan sa atin ay nakakalimutan na siya. Sa sarap ng tulog, malapit ng sumapit ang Alas-otso nang magising at bumangon. Dahil abalang-abala ang ilaw ng tahanan para naman sa paghahanda ng Media Noche, ako muli ang nakatoka sa pagtitinda. Abalang-abala na ang halos lahat sa aming magkakapit-bahay sa paghahanda para ipagdiwang ang papasok na Bagong Taon kaya hindi halos makaupo sa dami ng bumibili. Minsan lamang ito sa isang taon kaya lilipas din. Habang nagtitinda ay siya naman biglang buhos ng ulan na tila pinapahiwatig hindi magiging masaya ang pagsalubong sa Bagong Taon pero think positive.

9m-l. Marahil ay nag-uumapaw na biyaya ang makakamtan sa papasok na 2017. Karaniwang mabenta ang mga uling o iba pang bilihin na ginagamit sa pagluluto at sa sobrang abala sa pagtitinda na halos hindi na magkandaugaga, hindi namamalayang tanghaling tapat na. Saktong may naluto ng ulam na tamang-tama sa Sikmurang kanina pa naghihintay ng grasya, kumain muna ako. Pagpatak ng hapon, tumungo ako sa may Sandigan para bumili sa aking mabubunot sa Exchange gift. Pagkadako roon, hindi na halos mahulugang karayom sa dami ng tao't hirap ng makakilos sa sobrang siksikan. Sa dami ng nakakasalamuha na kung sino-sino, hirap malaman kung sino ang mga kawatan kaya inigtingan ko ang pag-iingat, sa takot na madukutan. Kahit hindi na biro ang sitwasyon ay nagpatuloy pa rin ako sa paghahanap ng maipangreregalo. Nang makahanap, kaagad na kong umuwi at nagbalot-balot.

9m-m. Hindi basta-basta ang hugis ng binili ko kaya nahirapan sa pagreregalo. Pagkagat ng dilim, nagsimula na ang kaliwa't kanang kasiyahan at may ilan ng nagpapaputok. Dahil kaliwa't kanan, hindi mo na mahanap ang kapayapaan at ilang oras pa bago salubungin ang Bagong Taon subalit napakaingay na ng kapaligiran. Kating-kati na kong lumayas nun dahil may party at exchange gift kami kaso hindi magawa pagkat abalang-abala sa pagtitinda. Dahil sa tindahan na 'yan, lahat ng balakin ko ngayong Bagong Taon ay mapupurnada't dagdag gawain pa. Siyempre, hindi naman ako papayag na ganito lamang salubungin ang papasok na taon kaya gumawa ng paraan at nang magkaroon ng tiyempo, saka lamang nakalayas. Pagkadako kina Regine, saktong hindi pa raw nagsisimula ang exchange gift subalit nagsimula na ang party.

9m-n. Naroroon din sina Annie at Gelyn kaya lalo pang sumaya ang aking Bagong Taon. Sa saya at dahil New Year at kahit may hatid na peligro ang pagpapaputok, naisipan naming magpaputok. Kung ikukumpara sa nakaraang taon ay walang ganoong nagpapaputok ngayon at karamihan sa mga bata, Torotot ang ginagamit na pampaingay sa halip na paputok, tila natututo na sila. Mukhang matatagalan pa bago magsimula ang Exchange Gift party kaya naisipan munang umuwi. Mapupusok na salita ni ina ang bumungad sa aking pag-uwi't kung makapagsalita ito, parang wala akong naitutulong. Sa totoo lamang talaga, dahil sa tindahan na iyan, nagkakasamaan kami ng loob. Sinasabihan ko na siyang magsara na sapagkat abalang-abala ito sa pagluluto ng panghanda subalit nagmatigas ito.

9m-o. Naawa naman ako sa kanya kaya labag man sa kalooban, ako muli ang nagtinda. Mukhang mauuwi sa pagtitinda ang pagsalubong sa Bagong Taon kaya di mapigilang mainis. Sa halip na ituon ang panahong ito para makipagsaya ako sa mga kaibigan, heto't nagtitinda samantalang yung mga kasing edad ko'y nagkakasiyahan na. Napaka-killing joy talaga! Pagpatak ng Alas-nuebe at sa yamot, kahit hindi pa tapos si Mama sa pagluluto ng panghanda't kailangan na ako sa aming Exchange Gift party, nilayasan ko na ang tindahan. Pinili-pili niyang magtinda tapos idadamay pa ko, dapat niyang panindigan ang responsibilidad na nakaatang! Saktong nagsimula na ang Exchange Gift at ikinasaya ko ang regalong nabunot ko.

9m-p. Matapos ang Exchange Gift ay sayawan, balak sanang makisali sa sayawan subalit parehong kaliwa ang paa. Pagpatak ng Alas-dyis, dalawang oras bago sumapit ang Bagong taon, wala na kaming ginawa nina Annie kundi magkasiyahan sa pagpapaputok ng Piccolo. Halos hikain na nga sa dami ng nalalanghap na usok subalit tuloy pa rin ang pagsasaya at minsan ay napagkakatuwaan ang hagisan ng paputok. Muntikan na ngang maputukan nang hagisan ni Bikbik ng paputok at saktong pumutok ito nang aking sipain na inakalang sinindihan lamang na posporo, gayunpaman ay nanatili pa ring buo ang mga daliri. Pagpatak ng Alas-onse, lalo pang umigting ang putukan, isang oras bago sumapit ang 2017.