Martes, Nobyembre 29, 2016

47. November 2016 Journal (Day 1401-1430)

November 01, 2016
Tuesday
(All Saints Day)
Year IV-306

9e-v. Ito ang araw upang gunitain ang lahat ng mga namayapa na. Kahit wala na sila sa Mundong ibabaw ay hindi naman nangangahulugan na patay na sapagkat nakatatak pa sa isipan ng bawat taong nagmamahal sa kanila ang kanilang ala-ala. Iyan tayo at kung kailan patay na ang isang tao, saka lamang natin naiisip na ganoon siya kahalaga at mga mabubuting bagay na nagawa niya sa Mundo subalit habang nabubuhay pa, kung ano-anong bagay ang naiisip at madalas ay nahuhusgahan. Dapat ay matuto na tayong magpahalaga sa bawat buhay ng nakapaligid sa atin at iwasan pag-iisip ng hindi maganda tungkol sa kapwa natin sapagkat kasiraan lamang iyon sa inyong pagsasama at maaaring mauwi sa hidwaan. Batid ko na ang aking buhay ay para lamang gamit na ipinahiram sa atin ng Panginoon kaya handang-handa na kung sakaling bawiin niya iyon anumang oras at nawa'y nakapagsisi na. Saktong kakamulat pa lamang ng liwanag sa labas ng ako'y magising. Tila nakikiramay ang panahon ngayon sa pagdaraos ng Undas sapagkat makulimlim at minsan-minsan ay umuulan.

9e-w. Matapos mag-almusal, sinimulan ko na ang gawaing bahay. Bukod sa pagwawalis at punas, naisipan din lapatan ng Floorwax ang sahig subalit wala palang Floorwax, kinailangan pang lumabas para bumili. Sa nilayo-layo ng binili ko, hapong-hapo akong nakabalik ng bahay at pawisan pa subalit nagpatuloy pa rin sa gawaing bahay, ang sipag ko kasi. Sinamahan ko na rin ng pag-eehersiso habang aligaga sa paglilinis ng bahay kaya ang resulta'y tuluyan ng ninakawan ng lakas. Habang nagpapahinga at dahil abala si Mama sa pagluluto ng panghanda'y naisipan ko munang magtinda. Pagpatak ng hapon at gawa na nabubukbok kapag mananatili lamang sa bahay, naisipan kong maglakwatsa. Sa bahay muli nina Cathy ako gumuwi't saktong naroroon ito kaya hindi naman nasayang ang pagtungo ko. Habang nasa kanila'y walang ginawa kundi magtsikahan kahit abalang-abalang ito sa ginagawa't makinuod na rin ng Telebisyon sa kanila. Inabot na ko ng gabi sa kanila.

9e-x. Pagkagat ng gabi at bukod sa kabi-kabila ang mga batang nagti-Trick or treat, wala ng iba pang masilayan kundi mga nakatirik na kandila sa bawat kabahayang madaanan. Talamak na ang Trick or treat sa lugar namin kaya ang resulta, halos maubusan na ng Candy sa tindahan sa kakapamudmod subalit ayos lamang dahil napapasaya sila't mas maigi ang nagbibigay ka kaysa tumatanggap. Matapos maghapunan, tumungo ako sa bahay nina Ellen Joyce para ayain sila sa Horror House. Hindi naman naging pahirapan sa akin ang kumbinsihin sila't agaran din napapayag. Nang makumpleto na kami ng makakasama'y barkadahan ng gumayak sa sinasabing Horror House. Walang ibang maramdaman ang dibdib kundi saya at sabik ng panahong iyon at ganito ang pakiramdam kapag marami kang kaibigan. Sa Garland Village dapat kami tutungo, kaso wala pala.

9e-y. Hindi man ibig ng loob ay no choice kami kundi sa Talanay Covered Court. Pagkaalpas ay hindi na mahulugang karayom sa dami ng ibig makapasok sa Horror House at mukhang nagkakagulo na. Pumila pa kami sa bilihan ng Ticket at halos ma-suffocate na pagkat halo-halo na ang naamoy habang nakikipagsiksikan. Hindi din malaman kung saan ang pila pagkat magulo't di na maiwasang magbalyahan. Para lamang akong deboto na namamanata sa Poong Nazareno pagkat ganon na ganon ang kaganapan, siksikan at nagtutulakan at ibig mo ng umalis sa kinalalagyan dahil mukhang di na kakayanin ng katawan pero determinadong makapasok sa Horror House. Makaraan ang isang oras na pakikipagsiksikan na muntikan ng ikalamog, sa wakas ay nakakuha na rin ng Ticket subalit hindi pa iyon nagtatapos sapagkat pipila pa kami para sa Entrance.

9e-z. Pagkakita sa pila, nilukuban bigla ng katamaran pagkat kasing haba ng buhok ni Rapunzel ang pila't kung iisipin ay tila aabutin ng siyam-siyam. Sayang naman ang ibinayad kung aayaw kami kaya nagawa pa ring pumila. Usad pagong din ang pag-andar ng pila kaya inabutan na kami ng Alas-dyis ng hindi pa nakakapasok. Kung kailan malapit na kami, minamalas lamang ng lagay sapagkat biglang bumuhos ang ulan. Wala pang dalang mga payong kaya basang sisiw na't grabe, tila buwis na itong nagaganap sa amin sapagkat bukod sa nauulanan, damang-dama ko ang kaliwa't kanang balyahan. Malapit ng sumapit ang hating-gabi ng sa wakas ay nakapasok din kami. Nakakadismaya sapagkat wala man lang thrill habang binabagtas ang kaloob-looban ng Horror House, sayang ang pigpila ng matagal. Nagsisisi tuloy kami't dapat ay di lamang nagpunta pagkat walang napalang saya kundi pagkainis at sakit ng katawan.  


November 02, 2016
Wednesday
(All Soul's Day)
Year IV-307

9f-a. Inabot na ng hating-gabi ng makauwi sa kanya-kanyang mga bahay na hindi maipinta ang mukha dahil sa pagkadismaya. Masyado kaming umasa't nagtiyaga pero wala naman napapala. Ang gulo pa ng sistema ng kanilang Horror House at halatang hindi napag-isipan ng maigi, sa halip na makaramdam ka ng takot at aliw ay pagkadismaya lamang ang matatamo. Hinayaan ko munang matuyo ang buhok bago ihimlay ang sarili sa kama. Kinaumagahan at dahil naulanan kagabi, sinipon tuloy ako at pakiwaring magkakasakit. Sa takot na maulanan ng naglalagablab na salita at di ko rin nais na mapagalitan, di ako nagpahalata kila Mama. Hindi naman ito nagtuloy-tuloy at nawala din agad kaya nanatiling magaling na siyang ipinagpapasalamat ko.

9f-b. Matapos mag-agahan, iginugol ko ang oras sa pagbabantay sa tindahan. Naging maulan ang panahon at kahit tapos na ang pagdaraos ng Undas ay tila nagdadalamhati ang kalangitan at di mo maiwasang malumbay kapag pagmamasdan ang buhos ng ulan. Nakakatamad ang magkikilos-kilos kapag maulan ang panahon at parang ibig mong parati ang nakahiga. Pagsapit ng tanghali at dahil kaarawan ngayon ng aking kapatid na si Kuya Al, nagsalo-salo kami sa nilutong Pansit at Biko ni Mama. Kahit hindi namin ang ugali ang magsagawa ng Birthday Party sa tuwing may nagdiriwang sa amin, basta may handa'y sapat na para maging maligaya ang 'yong kaarawan. Naparami ang kinain ko kaya halos hindi na makakilos gawa ng kabusugan. Kinahapunan at kahit maulan ang panahon, hindi naman nito napigilan ang balak na pagtungo sa Computer Shop.  

9f-c. Kinagabihan ay panonood ng Telebisyon ang naging pampalipas oras ko. Matapos ang pagdiriwang sa Undas, kay bilis nga ng panahon sapagkat pinaghahandaan naman ang pagdating ng Pasko at Bagong Taon. Malapit ng magpasko subalit hindi maramdaman pagkat walang nakasabit na palamuting pampasko o mumunting Christmas Tree man lang. Sana hindi parating ganito't magkaroon na sa susunod na taon upang sa ganon ay magkaroon ng buhay ang magiging Pasko kahit madalas ay hindi kami kumpleto. Magkakasundo lamang kami sa mismong araw ng Pasko't nagmamahalan, masaya na ko.  


60 | 53 Limang pu't tatlong araw na lamang, bago sumapit ang Pasko.


November 03, 2016
Thursday
Year IV-308

9f-d. Napasarap muli ang tulog ko kaya nagniningning na ang liwanag sa labas ng manumbalik ang malay sa katawan. Kakaibang sigla't saya ang namamayagpag sa kalooban sa di malamang dahilan at nawa'y parating ganito ang pakiramdam. Matapos kong mag-almusal, gawaing bahay muli ang napagkaabalahan. Medyo sinisipag-sipag ngayon kaya bukod sa sahig, nagawa na ring punasan maging pintuan at mga kagamitan sa bahay. Tumaba ang puso ko ng purihin ni Mama at sabihing ang sipag ko raw. Nakakatuwa dahil di akalaing ma-appreciate niya ang pagkukumahog ko, lalo tuloy ginanahan sa ginagawa magmula ng sabihin niya iyon. Sinamahan ko rin ng pag-eehersiso upang sa gano'y magising ang Dugo't ugat at lumakas-lakas. Sarap magbuhay alamang kapag tapos ka na sa mabibigat at nakakapagod na gawain. Kinahapunan naman at dahil batong-bato ang lola niyo kung papalipas ang oras sa pagpapalaki ng biyas, naisipan kong umawit.

9f-e. Kahit hindi pinagpala ng ginintuang tinig at madalas ay napipiyok ay hindi iyon ang dahilan para tumigil ako sa ginagawa. Lahat naman ng talento gaya ng kakayang kumanta, sumayaw at iba pa'y maari mong taglayin basta't idinadaan sa ensayo, huwag din panghinaan ng loob dahil hadlang lamang iyon para makamit ang mga mithiin ang pangarap mo sa buhay. Kaya kahit ganito ang boses ko na tinig palaka't batid na nakakairita sa makakarinig, umaasa ako na balang araw ay magiging kasing kinam din ng boses ng mga tanyag na mang-aawit gaya nina Regine VelasquezSarah Geronimo at iba pa. Darating din ang araw na kagigiliwan nila ang boses ko't magagawa kong maipagmalaki kaya hinding-hindi susuko. Maging sa pagsapit ng gabi'y walang ginawa kundi kumanta't hindi inalintana ang sasabihin ng makakarinig lalong-lalo na si Mama. Bukod sa naeensayo ako'y nalilibang din. Napasarap ang pagkanta ko na tipong napapabirit na kaya hindi namalayang lumalalim na ang gabi't kailangan nanaman matulog.  

57 | 52 Limang pu't dalawang araw na lamang, bago sumapit ang Pasko.



November 04, 2016
Friday
Year IV-309

9f-f. Minuto na lamang ang bibilangin bago sumapit ang Alas-otso ng ako'y magising at bumangon. Dahil ngayong araw naisipang mag-enroll, kaagad ng nagbihis matapos kumain ng agahan. Pagkadako sa Unibersidad, nanlaki ang mata ko sa gulat ng makita kung gaano kahaba ang pila sa bayaran ng Enrollment at pakiwaring aabutin ng siyam-siyam kaya hindi ako pumila't naisipang kumuha ng grade.  Habang papalapit ang yapak sa kuhaan ng grado'y hindi ko na maiwasang kabahan at tumitindi ito pero napalitan ng kagalakan at tila buhay na buhay ang kalooban sapagkat di akalaing makakakuha ng matataas na marka. Sa tuwa, sabik na sabik na kong ipakita iyon kila Mama pagkauwi. Kahit nag-uumapaw ang ligaya'y nagtataka naman ako pagdating sa asignaturang Social Psychology sapagkat pasado pero wala pa naman Final exam, kinailangan ko pang hanapin si Sir Ronan. Nagtanong-tanong na ko at sa laki ba naman ng pinapasukang paaralan, pahirapan sa akin ang mahanap ito.

9f-g. Maigi na lamang at habang hindi na magkandaugaga sa kakahanap sa kanya, saktong namataan sina Limboc, sinamahan ko muna sila para magpa-advice kay Sir Juangco. Nang makapag-advice kaming lahat sa kanya, tumungo naman kami sa Faculty ni Ma'am Zandra. Habang kausap si Ma'am ay biglang nasilayan si Sir Ronan, sinunggaban ko na ang pagkakataon na makausap ito para siguraduhin kung nakapasa ba. Inamin ko sa kanya na hindi pa nakakakuha ng Final Exam at hindi ako makapaniwala sa sinabi niya sapagkat pagkabigay ng resibo para sa special exam, agaran nitong kinumpirma na pasado na ko. Abot langit ang pasasalamat ko sa kanya sapagkat sa kabila na naiinis dahil sa kalibugan nito, may natatago pala itong kabaitan at saksakan pa. Sadyang napakahaba ng pila sa may Cashier Area kaya naisipang sa kalapit na lamang nitong mga bangko magbayad ng pangmatrikula.

9f-h. Laking tuwa dahil di hamak na maikli ang pila, mabilis pa sa guhit ng kidlat ng kami'y makapagbayad. Matapos mag-enroll at sa halip na umuwi ay tumungo pa ko ng Simbahan para magpasalamat sa Panginoon. Nagpapasalamat ako sa kanya sapagkat sa kabila na nakakagawa ng di magandang bagay gaya ng pangungupit, ipinalasap pa rin niya ang ganito ang bagay na nagbibigay ginhawa sa kanya. Nagpapasalamat ako dahil hinayaan niyang magkabunga ang aking paghihirap at naipasa ang lahat ng asignatura. Tunay nga napakabait ng ating maykapal at hindi panghabang-buhay ay ipaparanas niya sa atin ang pagdurusang walang hanggan. Sa pagod ay kaagad akong nagpahinga pagkauwi ng bahay. Malapit ng gumabi ng gumabi ng ako'y magising at kaagad ng naghapunan. Kinagabihan at dahil walang maisip gawin, iginugol muli ang oras sa panonood ng telebisyon. Dahil sanay sa puyatan, maghahating-gabi na ng mapagpasyahang matulog.

58 | 51 Limang pu't isang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 05, 2016
Saturday
Year IV-310

9f-i. Dumating nanaman ang bagong umaga, bagong pangyayari muli ang kakaharapan na may lakas at katatagan ng loob. Namamayani pa ang aking pagkaantok subalit umaga na't ganap na ring sumikat ang haring araw at gising na ang mga kasamahan sa bahay kaya bumangon na ko. As usual at upang hindi lamunin ng pagkabagot, gawaing bahay muli ang napagkaabalahan. Nang masiguradong wala ng alikabok ang makikitang pakalat-kalat sa sahig, paglalaba ang sunod na inatupag. Dakong tanghali na ng matapos ako sa lahat ng gawain at dahil haggard na't ibig ng magpahinga, hindi na nagawa pang mananghalian kundi mag-siyesta. Anong alinsangan ng panahon kaya hindi makuha ang maayos na tulog. Pagkagising ay saktong dumating ang ate galing sa Condo nito at inutusan akong bumili ng Cake na pa-birthday kay kuya.

9f-j. Sa totoo lamang ay tinatamad akong magkikilos-kilos dahil makatupok balat ang init sa labas at malayo pa subalit pumayag ako dahil nakaramdam ng pagkasabik at takam na rin. Pagdating talaga sa pagkain at kung hilig mo ito ay gagawin ang lahat, gaanoman kahirap, makuha mo lamang ito. Sa layo ng pinagbilihan, ngarag na ngarag na nakabalik ng bahay at tila naligo dahil napawisan ng husto. Kaagad din naman namin pinagsaluhan ang Red Ribbon Cake at bukod sa nakakabusog dahil mabigat sa Tiyan, nabawi din ang nawalang lakas buhat ng malayong paglalakad. Nahirapan muling kontrolin ang katakawan kaya ang resulta, naparami ang kain. Naging maalinsangan ang panahon maging hapon kaya nakaramdam ng pagkahilo, walang ginawa sa maghapon kundi mahiga. Naibsan naman kahit papaano ang hilo pagpatak ng gabi.

9f-k. Walang magawa kaya naisipang manuod ng telebisyon at nakakaiyak ang natunghayang kwento sa MMK. Tungkol ito sa isang babaeng pinagkalooban ng talento pagdating sa pagpipinta ang may kapansanang kapatid. Madalas ay hindi nito naiintindihan ang kondisyon ng kanyang kapatid kaya madalas ay hindi nagkakasundo, maging ang tatay ay napagbubuhatan na ng kamay ang batang may kapansanan. Kung kailan nagkaayos na sila magkapatid at natanggap niya ng buo ang kalagayan nito, saka naman binawian ng buhay. Kahit paano'y naipakita naman niya ang pagmamahal bago ito pumanaw subalit huli na pagdating sa Tatay. Ang ganda ng kwento't nakakapukaw ng damdamin. Umiral nanaman ang pagkahilo ko at idagdag pa ang pagsakit ng ngipin kaya agaran ng natulog.  


57 | 50 Eksaktong limang pung araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 06, 2016
Sunday
Year IV-311

9f-l. Kumikinamkinam na ang liwanag sa labas ng ako'y magising. Tila hindi man lamang naramdaman ang dumaang bakasyon sapagkat may pasok na bukas, kaya pamamalantsa agad ng uniporme ang inatupag pagkabangon. Sa dami at pahirapan pa matanggal ang pagkagusot, abutin halos ng isang oras bago matapos sa ginagawa. Sumunod ay pagtitinda ang inatupag ko. Pagpatak ng tanghaling tapat at dahil may pasok na kinabukasan, nagbihis-bihis at handa na para bumili ng kagamitang pang-eskwela. Ibig ko rin makapaglakwatsa at sulitin ang nalalabing panahon ng bakasyon kaya sa SM Marikina na naisipang tumungo. Hindi gasinong kalawakan at kakaunti lamang ang mapapasyalan subalit malamig at sarap gawing tambayan. Tamang gala-gala ako kahit mag-isa at nilibot ang kalooblooban ng SM Marikina ng makabili ng School Supplies. Matapos mamasyal sa SM Marikina at dahil wala pang balak umuwi, naisipan pang tumungo sa Cubao.

9f-m. Doon ko nahanap ang sulit sa  pamamasyal sapagkat tatlong mall ang napuntahan, AlimallGateway at Farmers. Dami din magagandang tanawin kahit saan lumingon kaya tamang kuha lamang ng litrato habang palakad-lakad. Habang naglilibot-libot at nakakakita ng mga bagay na mamahalin, animoy ang susyal susyal ko't ganito ang pakiramdam kapag mapera ka, kahit saan kahit lubhang mahal at malayo, napupuntahan mo. Sarap nga naman maging buhay mayaman dahil mabibili lahat ng gusto at sana makamit ko iyon. Napasarap ang lakwatsa ko kaya malapit ng gumabi ng makabalik ng bahay. Kinagabihan at dahil maaga pa magigising kinabukasan, maaga akong natulog. Magkahalong sabik at kaba ang nararanasan ko ng gabing iyon at sana makaya ng loob ang makiharap sa bagong kamag-aral.


56 | 49 Apat na pu't siyam na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 07, 2016
Monday
Year IV-312

9f-n. Unang araw ng aming klase para sa Semestreng ito, maaga nanaman magigising kahit namumugto pa ang mata sa antok. Ganyan talaga ang buhay estudyante at wala akong magagawa kundi kaharapin ang bagay na nakatadhana sa'yo. Sino-sino nanaman kaya magiging bagong kamag-aral at Professor ko, nawa'y makasundo ko silang lahat. Lunes na lunes subalit umandar ang pagka-stress pagkat naipit sa mabigat na trapiko, ang resulta'y nahuli na ng dating at nandoon na ang karamihan sa mga kamag-aral. Maigi na lamang at wala pang guro. Laking tuwa ng nasa loob pagkat kamag-aral pa rin sina Anne Rose, tamang usap-usap at kamustahan kami habang wala pang guro. Biglang tumahimik ang buong silid ng may pumasok na Professor. Filipino ang asignatura namin ng ganitong oras at araw at si Ma'am Burabo ang professor. Nagpakilala ito sa amin at napakasining ng kanyang pagsasalita na animo'y nasa makalumang panahon ng pag-uusap. Kakikitaan itong mabait at nakakaaliw pa magturo dahil nilalahukan ng katatawanan.

9f-o. Matapos nitong sabihin ang mga dapat gawin at ipasa, nagpangkat-pangkat na kami para pag-usapan ang gagawing dula sa susunod na pagkikita. Kinapos na sa oras kaya hindi rin nagtagal ang pag-uusap. General Botany ang sumunod kong asignatura, bagong kamag-aral ang kakaharapin kaya di mapigilang mahiya pero walang ginawa kundi makisama sa kanila. Maigi na lamang at may kakilala sa seksyon na pinapasukan kaya di naman nakakailang. Saktong si Ma'am Eloisa ang professor at wala pa ring pagbabago sa kanya pagkat makuda ito. Ultimo mga bagay na walang kaugnayan sa Subject, napag-uusapan na pero nakakaaliw. Dati-rati, gustong-gusto ko maging professor si Ma'am Eloisa pero kung kailan kaharap na ito, biglang nagbago at

9f-p. Mas gusto pa si Ma'am Zandra pagkat tingin ko'y mas marami pang matutuhan sa kanya. Si Ma'am Eloisa pa rin ang professor maging sa General Botany laboratory at nagpangkat-pangkat lamang kami. Kahit hindi pa dismissal time at ng wala ng matsika, pinalabas na niya kami. May kahabaan ang bubunuing oras bago ang sumunod na asignatura kaya tumungo muna ako ng library at nagpahinga. Ganito pala ang buhay kapag irregular student ka, parating nag-iisa pero marami ka rin nakikilala dahil sa iba't ibang section na napapasukan. Makaraan ang halos tatlong oras na paghihintay, tumungo na ko ng silid. Doble ang sayang namamayagpag sa dibdib pagkat bukod na kamag-aral muli sina Anne Rose sa sumunod na asignatura, kamag-aral ko rin ang taong nagpapatibok ng puso sa araw-araw at lalo pa itong kumisig. Hindi nga lang pahalata sa takot na kumalat at mahusgahan. 

9f-q. Economics ang asignatura namin ng ganitong oras, wala pang professor kaya mistulang palengke ang buong silid. Isang oras na ang nakakalipas, wala pang dumarating na professor at dahil pipi na ang kanyang-kanyang mga bituka sa gutom, napagpasyahan muna naming kumain. Habang nalantak, bigla akong sinikmura at sa sakit, tila ibig ng umuwi subalit hindi maaari sapagkat may isa pang asignatura. Walang ginawa kundi magtiis kahit ikapilipit na. Literature ang sumunod naming asignatura at sa wakas, may professor na rin. Si Ma'am Zabala ang professor sa subject na ito at medyo may edad na subalit malakas pa ang boses kahit hindi gumamit ng lapel. Nagkwento lamang siya tungkol sa naging buhay nito't dahil nasarapan, hindi namamalayang lumagom na ang gabi't dismissal time na. Sa gutom ay diretso lamon ako pagdating ng bahay. Natutuwa ako dahil nairaos ang araw na ito ng walang palya't nawa'y kayanin sa mga darating pang araw.


55 | 48 Apat na pu't walong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 08, 2016
Tuesday

Year IV-313

9f-r. Panibagong araw muli na may pasok. Dahil napasarap ang tulog at hindi agad tumunog ang alarm ng cellphone, malapit ng pumatak ang Alas-sais ng ako'y magising. Medyo mahuhuli na sa pagpasok kaya dinalian na sa pagkilos. Muhkang mahuhuli na nga, pinalipat pa ko ng tricycle driver sa ibang tricycle porket nag-iisa na lamang. Kinailangan ko nanaman tuloy makumpleto kami bago ito paandarin. Iyan ang hirap sa akin, masyadong pinapairal ang kabaitan, kaya nadedehado. May mga tao talagang sinasamantala't inaabuso ang kabaitan mo, kapag pinakitaan mo naman ng hindi maganda, sila pa ang may ganang magtanim ng sama ng loob. Dapat ang kabaitan, pinapakita lamang sa taong mapagkakatiwalaan, hindi sa taong mapagsamantala. Mabuti na lamang at wala pang professor pagkaalpas ng yapak sa paaralan. Psychological Testing ang subject namin ngayon, isang oras na ang nakakaraan, wala pang dumarating na professor at mukhang malabo na kaya napagpasyahang umalis.

9f-s. Habang palabas ng Campus ay umiral ang tuwa ng biglang magkita kami ni Eloisa. Tila na-miss ang isa't isa kaya panay ang kamustahan at kwentuhan. Sinamahan ko muna ito sa para magpa-enroll. Dahil rich kid si Eloisa, sa McDonalds namin naisipang kumain. Animoy nagde-date pagkat kami lamang dalawa ang magkasama. Dakong Alas-onse na ng bumalik kami sa unibersidad at paglipas pa ng isang oras, nagpaalam na kami sa isa't isa. Pagkatungo ng silid, laking gulat pagkat walang aircon, ang init tuloy. Masyado din magulo ang mga upuan at makalat pa kaya mistulan kaming nag-Brigada Eskwela sa ginagawa. Industrial Psychology ang asignatura ngayong araw at pinapalad-palad pagkat si Sir Juangco na ang professor.

9f-t. Kahit hindi mo pa lubusang kilala, iisipin mo ng napakabait nito at hindi naman nagkamali sa akala. Umiral ang kaba sa dibdib ng tawagin kami isa-isa para magpakilala. Matapos ay nagkaroon lamang kami ng orientation. Pangalawang pagkakataon ko ng kumuha ng ganitong subject kaya sana'y makapasa na. Sa halip na umuwi, pinuntuhan ko pa ang klase nina Eloisa at hinintay. Sa tiyaga ko at makaraan ang halos dalawang oras, lumabas na rin sila. Masaya ako dahil di lamang siya, kundi marami kaming magkakasama sa pag-uwi. Pakiramdam ko'y sila na ang bagong kaibigan, sana nga. Kinagabihan, hindi kagandahang balita ang sumambulat sa pandinig pagkat nagbaba na ng hatol ang Supreme Court na ilibing sa libingan ng mga bayani ang diktador si Ferdinand Marcos.

9f-u. Nakakapagpuyos lamang dahil matapos ang masalimuot na pangyayari noong Martial law at libo-libo ang namatay at naagrabyado, tapos hindi porket na naging sundalo ito'y consider na dapat na siyang ilibing sa libingan ng mga bayani. Ang kabayanihan ay nasusukat sa dami ng iyong natulungan at naitaguyod, di lamang sa mga tao kundi sa buong bansa, hindi yung maraming nalabag na karapatang pantao. Madali kasing sabihin sa mga Pro-Marcos na "Tama na, ibaon na sa limot ang mapait na karanasan noong Martial law at magkaisa", palibhasa'y hindi kasi nila naranasan ang naranasan ng mga biktima. Yung mga kabataan naman na hindi namuhay ng panahong iyon, makapagbitaw ng salita'y parang alam na alam ang buong pangyayari, magbasa-basa nga sila! Sa sobrang lalim ng sugat na nilikha ng martial law, sa palagay nila ay ganon lamang kadaling kalimutan kaya yung mga Anti-Marcos, hindi rin masisisi kung patuloy silang magsagawa ng kilos-protesta at naiintindihan ko sila. Natulog akong dismayado ang kalooban at parang sinabing basta sundalo ka, kahit marami kang napatay at naagrayado, pwede palang tawaging bayani.


54 | 47 Apat na pu't pitong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 09, 2016
Wednesday
Year IV-314

9f-v. Lumalamig na ang panahon kaya naging pahirapan sa akin ang bumangon ng maaga at parang gusto pang matulog at ibalot ang buong katawan sa makapal na kumot. Alas-sais na pala't Alas-siete ang simula ng klase ko kaya nagmamadali pagkat hindi ibig ang mahuli. Naipit pa sa mabigat na trapiko kaya ang resulta, Alas-siete y medya na ng makarating ang paaralan. Pagkapasok ng silid, saktong nagsisimula na ang dula-dulaan. Habang hindi pa kami ang nakasalang, walang ginawa kundi maghanda. Nang kami na'y dinaga ng kaba subalit nilakasan ang loob na humarap sa maraming kamag-aral at umakto. Parang naalisan ng tinik sa lalamunan ng matapos kami sa pagsasadula. Nang makapagtanghal ang lahat, nagkaroon pa kami ng seatwork. Kinapos na sa oras kaya hindi na natapos pa. Sa oras naman ng General Botany, sinimulan na ni Ma'am Eloisa ang pagtuturo hinggil sa plants.

9f-w. Maya-maya pa'y lumipat na kami ng laboratory. Nagkaroon kami ng activity at iyon ay iguguhit mo ang larawan ng Microscope.  Hindi ako biniyayaan ng angking galing sa pagguhit kaya naging pahirapan iyon sa akin subalit hindi napanghinaan ng loob at ipinagpatuloy ang ginagawa, sa kagustuhang makapasa. Matapos ang activity, nakapagturo pa si Ma'am Eloisa. Maya-maya pa'y dismissal time na't dahil vacant time ko at kabagot kung maghihintay pa, naisipan kong maki-sit-in sa klase nina Anne RoseAbnormal Psychology ang klase nila ngayon at saktong si Ma'am Joyce ang professor. Parang gusto kong ulitin ang subject na iyon dahil interesting ang mga lesson dun, interesting din magturo si Ma'am Joyce at ang bait pa.

9f-x. Maraming katanungan ang nakaimbak sa aking isipin subalit hindi magawang magtanong pagkat nahihiya. Pumayag naman si Ma'am na maki-sit-in ako anumang araw na gustuhin. Nuknukan talaga sa kabaitan si Ma'am Joyce at sana dumating pa ang panahon na maging professor muli ito. Economics ang sumunod naming subject at saktong pumasok na ang professor na si Sir Nebres. Sa halip na ngiti at pagbati ay nagngangalit na mukha ang isinalubong niya sa amin, kaya mangatog ang mga dibdib ang sa takot at mapaihi. Iyon pala, may nambastos pala sa kanya na isang estudyante na mismo sa Seksyon din iyon na pinapasukan, dalawang taon na raw ang nakakalipas at hanggang ngayon ay di pa nabubura sa kanyang isipan.

9f-y. Palaisipan sa mga hindi pa niya naging estudyante gaya namin ni Anne Rosekung sino ang tinutukoy at kung sinoman siya'y napakawalang hiya naman. Nagpatuloy sa pagpapakawala ng maanghang na salita si Sir Nebres at nakakatakot talaga siya. Nakapagturo naman ito ng maubos ang lahat ng hinanakit sa loob. Sa oras ng Literature, wala muling ginawa si Ma'am Zabala kundi magkwento, tila mag-ina sila ni Ma'am Eloisa pagkat parehong makuda at nasasayang ang oras. Natapos ang oras na wala pa siyang nasisimulang aralin. Sa wakas at uwian na rin at makakapagpahinga na mula sa maghapong subsob ang sarili sa pag-aaral.                           


53 | 46 Apat na pu't anim na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 10, 2016
Thursday
Year IV-315

9f-z. Namamayani pa ang antok sa mga Mata subalit kailangan ng awatin ang sarili sa kama at bumangon. Alas-otso y medya pa ang simula ng klase subalit Alas-siete pa lamang ay dumating na ko sa paaralan para asikasuhin ang pagpapa-add ng panibagong subject. Maaga pa lamang subalit may kahabaan na rin ang pila, baka maabutan pa ng oras ng klase kaya napagpasyahang mamaya na lamang. Ilang sandali pa'y tumungo na ko ng silid. Humanities ang asignatura ko ngayon at laking tuwa dahil si Sir Esguerra ang professor. Kung anong bait niya nung First year at Second year pa lamang kami, ganoon pala siya kahigpit ngayong Third year na kami but still like him pagkat para din naman iyon sa amin ang ginagawa niya.

9g-a. Nang makapagpasa kaming lahat ng index card, saka lamang nagsimulang magsalita si Sir Esguerra. Wala pa ring pagbabago sa kanya sapagkat para kaming naba-bible study at gustong-gusto ko ang ganong guro na puro tungkol kay God ang topic, hindi yung guro na puro kalibugan at kabalastugan ang tinuturo. Nae-enlighten pa ang utak namin kay God at maraming magagandang bagay ang natutuhan sa kanya. Marami pa dapat ikukwento't turo sa amin si Sir Esguerra, kaso kinapos na sa oras. Sa halip na umuwi, pumila pa ko sa may Registrar para magpa-add ng subject. Psychological Research ang naisipan kong i-add na subject at sa kagustuhang matapos agad, buong tiyagang pumila kahit nuknukan sa haba. Maigi na lamang at kasama ko si Alviz kaya may kahuntahan at nakakawala ng inip.

9g-b. Sumapit na ang tanghaling tapat at dalawang oras na ang nakakaraan subalit mukhang matatagalan pa bago makapasok ng Registrar office. Bigla pang tumigil ang usad ng pila, paano'y nag-lunch break ang lahat ng mga evaluator, kaya di na mapigilang maimbyerna. Walang ginawa kundi magtiis at habaan ang pasensiya, idagdag pa ang init ng panahon kaya di mapigilang mag-init ang ulo. Maya-maya pa, sa wakas ay umusad na rin ang pila kaso napakabagal at kaunting milya lang ang nahahakbang sa loob ng isang oras. Mukhang aabutin ako ng siyam-siyam at manlupaypay na sa gutom kaya napagpasyahang ipagpabukas na lamang. Kaagad akong nagpahinga pagdating sa bahay at kinagabihan, dahil walang magawa, panonood ng telebisyon ang inatupag. Maaga pa ang pasok bukas kaya kaagad na kong natulog.    


52 | 45 Apat na pu't limang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.

November 11, 2016
Friday
Year IV-316

9g-c. Inagahan ko sa paggising upang sa ganon ay hindi na muling maabutan pa ng mahabang pila sa Registrar Office. Patuloy na namamayagpag ang kaba habang papatungo ng paaralan at nawa'y hindi ko pagsisihan ang magiging desisyon. Pagkaalpas ng paaralan at kahit Alas-siete pa lamang, dagsaan na ang mga estudyanteng magpapa-add and drop ng subject. May klase pa ko ng ganitong oras subalit sa takot na maulit ang nangyari kahapon, napagpasyahang huwag ng dumalo't pumila na lamang. Kahit may kahabaan na ang pila't usad pagong pa ang andar, sa kagustuhang makamit ang hinahangad ay nagtiyaga ako. Bumilis-bilis naman ang usad ng pila at makalipas ang halos tatlong oras na pagtitiis sa paghihintay, sa wakas ay nakapasok din sa Registrar office.

9g-d. Hindi na ko nag-dropped pa ng subject, bagkus ay ini-add ko ang subject na Psychological Research. Wala na raw available slots maliban sa Dash 5 kaya sa ganung seksyon na ako inilagay. No choice na lamang ako kundi doon atgoodluck kung sino ang magiging professor, sana'y hindi si Sir Barrion. Mahaba pa ang nalalabing oras bago ang sumunod na asignatura kaya naisipan ko munang magkumpyuter at kumain. Pagpatak ng Alas-onse, tumungo na ko ng silid. Wala pa si Sir Juangco kaya naisipan kong magbasa-basa sa halip na makipagdaldalan. Ilang sandali pa'y dumating na ito't inutusan akong humiram ng libro sa library. Natutuwa ako sapagkat nagawang pagkatiwalaan ni Sir. Pagkarating ng library, hindi ko kaagad nakuha ang libro sapagkat hinihingi ang Registration card, kainaman naman siya at pagkakaalam ko'y library cardlamang ang kailangan.

9g-e. Kahit may kalayuan at limang palapag pa'y kailangan kong bumalik ng silid. Sa layo at tayog ng nilakad, magkasamang pawis at pagod ang naranasan pagkapasok ng silid subalit ayos lang, kung kapalit nito'y pagtitiwala ni Sir Juangco. Tatlong beses akong nagpaakyat-baba bago makuha ang libro kaya nag-uumapaw ang nadaramang pagod. Nagpangkat-pangkat muna kami at matapos ay saka lamang nakapagturo si Sir. Maya-maya pa'y uwian na rin. Wala pa kong balak umuwi kaya tumungo pa kung saan nagklaklase sina Eloisa, isang oras na ang nakakaraan, di pa sila nadadatnang lumalabas at dahil inip na, napagpasyahang umuwi na. Sa pagod buhat na pag-akyat baba kanina, diretso ako sa pagtulog pagkauwi.


 51 | 44 Apat na pu't apat na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 12, 2016
Saturday
Year IV-317

9g-f.  Sabado na't ang dapat sana ang araw na ito'y ilaan sa pagpapahinga, kailangan pang gumising ng maaga sapagkat may pasok pa rin ng ganitong araw. Ngayong anim na araw na sunod-sunod ang pasok at puro Alas-siete pa ang simula ng klase sa semestreng ito, nawa'y kayanin ng katawan ang hirap at pagod na bubunuin. Tiwala naman ako na malalampasan ito pagkat nariyan ang maawaing Diyos. Bandang Alas-siete ng makarating ng paaralan. Psychological Research ang subject ko ng ganitong araw sa Dash 5 at di akalain na si Sir Jigo ang professor. Nakaramdam ako ng magkahalong kilig at hiya kaya hindi agad makapasok-pasok. Napakaunti pa ng mga kamag-aral ko't inaasahang marami-rami pa ang magsisidatingan kaya di muna sinimulan ni Sir Jigo ang pagtuturo't paupo-upo lamang.

9g-g. Wala akong ginawa ng oras na iyon kundi pagmasdan siya't nakakapang-akit ang taglay nitong kakisigan. Nangangalahati na ang oras subalit nanatili kaming kakaunti't tila hindi nadadagdagan. Laking gulat ko ng dumating si Gin Rhead at di akalaing magkamag-aral sa ganung asignatura. Maya-maya pa't sa di inasahan, bigla kaming pinagtripan ni Sir Jigo dalawa. Ang lakas niya mang-trip subalit sa halip na inis ang mamayani'y tuwa. Total at maloko naman siya, kahit professor ito'y nagawa ng makipaglokohan sa kanya. Saya talaga ng magiging lagay ng klase kapag siya ang guro mo. Lalo tuloy napapaibig sa kanya. Kinalaunan, nakapagturo naman siya. Humanities ang sumunod kong asignatura't nagturo lamang si Sir Esguerra sa amin. Maya-maya, napakwento na ito sa amin kaya tutok muli ang bawat mga teynga sa kanya kahit yung mga parating lutang.

9g-h.  Napaka-interesting ng kwento ni Sir subalit hindi na niya naituloy pa pagkat kinapos na sa oras, nakakabitin tuloy. Wala pang balak ang isipan na umuwi kaya sumama muna kina Mary para mananghalian. Matapos kumain at dahil may mahalaga pang pag-uusapan nina Eloisa, tumungo ako sa kanilang klase. Saktong naroroon ang mga ito pagkatungo at kami ay nag-usap. Nahihirapan makapagdesisyon si Eloisa kung sino ang kukuning kagrupo sa Psychological Research pagkat bukod sa akin ay marami ang humihikayat sa kanya, hindi ko naman ito mapilit na makigrupo sa akin sapagkat may sarili itong pag-iisip at bahala na kung ano ang magiging pasya niya. Ilang sandali pa at dahil wala silang klase, sumama pa ko sa kanila sa pagtungo sa Atlethic Center. 

9g-i. May magaganap palang tournament ng Basketball at laking gulat dahil isa si Sir Jigo sa Coach ng mga lalabang manlalaro. Kahit di ako nabibilang sa klase ni Sir, inantabayanan ko ang tournament at ilang sandali pa'y nagsimula na. Walang ibang ginawa kundi maghiyawan na tipong mapunitan na ng lalamunan lalo na kapag nailulusot ng aming pambatong team ang bola. Sa First Quarter, masaya kami dahil lamang ang team ni Sir Jigo pero pagdating ng Second Quarter, naungusan sila. Nagpatuloy pa rin ako sa panonood, sa pag-asang makakabawi pa sila Sir subalit lalong lumaki ang lamang pagdating ng Third Quarter, mukhang wala ng pag-asang humabol kaya napagpasyahan ko ng umuwi. Anong alinsangan ng panahon kaya diretso ligo ako pagdating ng bahay at matapos ay matutulog.


50 | 43 Apat na pu't tatlong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 13, 2016
Sunday
Year IV-318

9g-j. Matapos ang anim na araw na sunod-sunod na subsob sa pag-aaral ay ngayong araw lamang magkakaroon ng panahon para makapagpahinga. Napasarap ang tulog ko kaya ganap ng sumikat ang haring araw ng magising. Matapos lamnan ang Sikmurang magdamag na walang laman ay iginugol ko ang oras sa pagtitinda. May kalakasan ang benta kaya umiiral ang tuwa sa dibdib at nawa'y magtuloy-tuloy ng sa ganon ay lumago ang pinagkukunan ng buhay. Sumunod ay pamamalantsa ang inatupag ko. Kinahapunan, tumungo ako ng computer shop para mag-research at gumawa ng assignment. Sa sobrang abala ko, malapit na ring gumabi ng matapos sa ginagawa at makauwi.

9g-k. Kinagabihan at gawa na di pa madalaw ng antok, naisipan kong manuod ng pelikulang pinamagatang Bakit kinain ni Adan ang mansanas ni Eba. Kakaiba ang palabas na iyon sapagkat ng magsiping ang mag-asawang Ambo at Evelyn, sa halip na si Evelyn ang magdalang tao ay si Ambo na siyang napakaimposibleng maganap sa totoong buhay. Kung ako ang tatanungin, dapat parehong babae't lalaki na lamang ang magbuntis ng sa gano'y di lang babae ang mahirapan sa panganganak at maging pantay. Dami ko din tawa sa palabas na iyon kaya abot-abot ang pagkaaliw. Maaga pa ang pasok bukas subalit sa sobrang humaling sa panonood ng palabas ay Alas-onse na napagpasyahang matulog.  


49 | 42 Apat na pu't dalawang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 14, 2016
Monday
Year IV-319

9g-l. Parang perang mabilis na dumampi sa palad ang pagdaan ng Weekend pagkat hindi man lang naramdaman at may pasok nanaman ngayong araw, maaga muling magigising. Pagdating ng paaralan, nadatnan ko na nakapang-Formal ang mga kamag-aral, iyon pala'y magkakaroon sila ng job interview sa Industrial Psychology na hinahawakan ni Ma'am Ria. Hindi ko mapigilan ang mailang sapagkat ako lamang ang bukod tanging nakauniporme. Sa halip na tuwa'y naiingit ako sa kanila at sana magkaroon rin kami ng Job interview. Sa oras ng Filipino at dahil kakapirambot lamang ang bilang namin, nasermunan tuloy ni Ma'am Burabo. Matapos ay nagkaroon muli kami ng pangkatang gawain. Mapalad at hindi inabot ang pangkat namin para i-present ang gawa sapagkat kinapos na sa oras. Sa oras ng General Botany, nagturo lamang sa amin si Ma'am Eloisa. Kinalaunan, bigla muli itong nanermon ng pagkarami-rami. Matatapos ang oras ng hindi pa natatapos ituro ang dapat ituro, paano'y daming kuda't di na lang magturo, nasasayang ang oras.

9g-m. Binigyan naman kami ni Ma'am Eloisa ngbreaktime. Sa halip na samantalahin ang oras sa pagkain, naging abala kami ni Dela Vega sa pangunguha ng mga dahon maging buto ng Kalabasa. Ilang sandali pa'y dumako na kami ng laboratory. Sa oras na iyon ay nagkaroon muli kami ng activity at iyon ay iguhit ang mga dahon at buto. Makalipas ang halos dalawang oras, sa wakas ay Dismissal time na. Sa oras naman ng Economics, nagtalaga lamang si Sir Nebres ng mga mag-uulat sa bawat aralin at swerteng nasa ikalawang hulihan kami. Pagkatapos ay nakapagturo pa ito't sa halip na malibang ay nababagot ako, hindi tuloy mapigilan ang maantok. Maya-maya at mukhang tinatamad na sa pagtuturo, nagpanood na lamang siya ng video sa amin. Marami pa kong takdang-aralin na dapat asikasuhin at tapusin, pakiwaring kakapusin sa oras kaya napagpasyahang huwag ng daluhan ang susunod na asignatura.

9g-n. Bago umuwi'y tumungo muna ng computer shop at sinamantala ang oras sa paggawa ng Resume. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi't sa tindi ng nararanasang gutom, nilantakan agad ang nakahaing ulam. Ngayong gabi pala magaganap ang sinasabing Supermoon at pinakamalaking buwan ngayong taon makalipas ang pitong-pung taon kaya sinubaybayan ang pagsikat nito. Minamalas lamang ng kaunti sapagkat natatakpan ito ng kaulapan, hindi tuloy masilayan at makuhaan ng litrato. Ilang sandali pa, sumilip na rin ang buwan at ikasisilaw mo ang taglay nitong liwanag bukod sa malaki. Ngayong Supermoon na bibihirang maganap, kung ano-ano ang pumapasok sa isipan. Marahil ay may kalakip iyong senyales at kung anuman iyon ay nawa'y puro swerte ang hatid nito, hindi mga delubyo. Tumagal ang Supermoon hanggang Alas-nuebe at matapos subaybayan, kaagad na kong natulog.


48 | 41 Apat na pu't isang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 15, 2016
Tuesday
Year IV-320

 9g-o.  Panibagong araw muli na may pasok. Alas-singko pa lamang, tinuldukan ko na ang pagtulog at bumangon. Anumang aga sa paggising at bilis sa pagkilos, bandang Alas-siete na nakarating ng Paaralan at nadatnang may professor na.Psychological Testing ang asignatura ngayong araw at si Sir Laus ang aming professor. Sa unang tingin ay makakaramdam ng kaunting takot pagkat mabalbas at malaking bulas pa man din subalit mukha namang mabait ng magpakilala. Dahil hindi pa nakakabili ng materials na gagamitin para sa testing, walang ginawa kundi tulungan ang katuwang na si Mara sa paglalagay ng Stapler at pagso-sort ng mga test paper. Iyon lamang ang pinagkaabalahan namin sa loob ng tatlong oras. Sa oras naman ng Industrial Psychology, nagkaroon lamang ng pangkatang pag-uulat. Matapos ay nagturo si Sir Juangco. Sa totoo lamang ay napakarami mong bagay matutuhan sa kanya bukod sa trabaho at sarap makinig.

9g-p. Ilang sandali pa, sa wakas ay dismissal time na. Naging maulan ang panahon ngayong araw at kung kailan umuuwi na, saka naman sinabayan ng malakas na buhos ng ulan. Kahit may baong payong kung umaangi naman, basaang umuwi ng bahay at ang ginaw. Matapos kong mananghalian, kaagad na nagpahinga. Dakong takip-silim na ng magising at bigla na lamang nakaramdam ng pagkirot ng ngipin, walang ginawa kundi indahin ang tiis. Nag-isip at gumawa ako ng paraan para maibsan ang pananakit ng ngipin, nagmumog ng maligamgam na tubig na may asin at ipinatong ang yelo sa may pisngi, sa paraang nakalap subalit walang epekto. Sa tindi ng sakit, maging bungo ko'y apektado't halos ikabaliw na. Patuloy kong naranasan ang pananakit ng ngipin maging sa gabi at lalo pang umigting. Ngayong dumadalas na ang pananakit ng ngipin, marahil ay kailangan ng ipatingin sa Dentista. Itinulog ko na lamang ang sakit ng Ngipin.


47 | 40 Apat na pung araw na lamang bago sumapit ang Pasko.

November 16, 2016
Wednesday
Year IV-321

9g-q. Ikangiyak ko na sa sobrang sakit ng Ngipin kagabi subalit parang bulang naparam sa paggising ko nitong umaga na siyang ipinagpapasalamat ko. Nawala na ang sakit kaya wala ng dahilan pa para lumiban ng klase't masiglang-masigla pa kaya ganadong-ganado sa pagpasok. Sana ganito lamang ang pakiramdam ko hanggang sa matapos ang araw na ito, na kahit maghapong subsob sa mabigat at maraming gawain, nakakaya mo at nagagawang ipakita ang ngiti. Dakong Alas-sais na ng makaalis ng bahay. Pagdating ng paaralan, mangilan-ngilang kamag-aral ko pa lamang ang nadatnan. Magkakaroon pala ng maikling pagsusulit sa Literature kaya sinamantala ang oras sa pagrerepaso.

9g-r.  Ilang sandali pa, pumasok na si Ma'am Burabo at tuloy ang presentasyon sa gawain. Nakaramdam lamang ng kaunting inis sa mga kamag-aral sapagkat habang nagsasalita sa harapan, hindi nakikinig at panay ang tsikahan, parang walang mga modo, gumawa ako ng hakbang para maituon ang atensyon sa akin subalit sadyang abala sila sa kanya-kanyang ginagawa at hindi mo sila masaway. Kung guro lamang ako, ang pinakaayawan ko sa estudyante ay hindi nakikinig habang nagtuturo't mas pinapakinggan pa ang sasabihin ng katabi, nakakabuwisit ang ganon! Mga College na pero utak Elementary pa rin pagkat hirap sawayin. Nawalan na tuloy ng ganang magsalita kaya ipinasa ko na sa kapangkat ang responsibilidad na magsalita. Nakapagturo pa si Ma'am matapos ang presentasyon at mukhang sasakit ang bungo namin sa Filipino pagkat walang gagawin kundi himay-himayin ang nilalaman ng pangungusap at aalamin kung wasto ba ang pagkakagamit ng mga salita. Sa madaling sabi, para kang nag-iimbestiga't dinaig pa ang grammar sa English.

9g-s. Sa oras ng General Botany, nagturo lamang si Ma'am Eloisa, maya-maya'y bigla muli itong nanermon. Aakalain mong isa siyang pastora sapagkat walang ginawa kundi leksyunan kami't sa halip na matuon ang isip sa mga halaman, wala na't saan-saan na napupunta. Hindi naman masama kung pangaralan kami ni Ma'am at ayos yun, ang kaso ay kumakain ng maraming oras para ituro niya pa ang dapat ituro. Kung mahilig pala siya mangaral, dapat magsagawa ito ng Seminar at doon niya igugol ang oras sa pagkuda, hindi yung sa oras ng klase. Sa kakakuda ng pagkarami-rami, ayan at minadali na ni Ma'am Eloisa ang pagtuturo hanggang sa matapos. Sa oras naman ng General Botany laboratory, mistulang Humanities Subject sapagkat pagguhit muli ang pinagkaabalahan namin. Mapapasabak muli ang sarili sa pagguhit kahit hindi bihasa. 

9g-t. Makalipas ang halos tatlong oras, sa wakas ay dismissal time na. Matagal-tagal pa bago ang sumunod na asignatura kaya naisipan muling maki-sit-in sa klase nila Anne Rose. Habang hindi pa pumapasok si Ma'am Joyce, walang ginawa kundi makipag-asaran at lokohan. Tumingkad ang saya ng araw nang maging si Jed, makipaglokohan sa amin, kahit kailan ay napakalakas nitong mang-trip kaya lalong tumitingkad ang pagtingin sa kanya. Magrerepaso sana ako kaso hindi magawa pagkat hindi mapigilang makipaglokohan sa kanila. Natigil ang katuwaan ng pumasok si Ma'am Joyce. Tungkol sa Autism Spectrum Disorder ang itinuro niya't sumagi sa isipan ko ang aking kapatid kaya kinapalan ang mukha sa pagtatanong. Hindi ko lang maintindihan sa kanila pagkat tawa ng tawa sa tuwing maglalahad ako. Sumunod ay Economics na't nagkaroon lamang ng pangkatang pag-uulat.

9g-u. Pagkaalis ni Sir Nebres at habang hindi pa dumarating si Ma'am Zabala, sinamantala ang oras para mag-sunog kilay. Nawawala ang konsentrasyon ko sapagkat balot sa kaingayan ang buong silid at walang mangahas na magsaway. Kumabog ang kaba sa kanya-kanyang mga dibdib ng pumasok si Ma'am at nagsimula na ang maikling pagsusulit. Mabuti na lamang at may kaalamang nakaimbak sa isipan kaya nakakasagot subalit ng maiwasto, ikinadismaya ko ang natamong marka. Nagtalaga pa si Ma'am Zabala ng mag-uulat sa bawat aralin. Maya-maya'y dismissal time na't sa tindi ng gutom, diretso lamon ako pagkarating ng bahay. Lugmok na ang mga mata sa antok kaya natulog agad matapos tumutok sa Telebisyon.


46 | 39 Mayroon na lamang tatlumpu't siyam na araw bago pumatak ang Pasko.


November 17, 2016
Thursday
Year IV-322

9g-v. Tuluyan ng naparam ang antok sa mga Mata kaya kahit Alas-kwatro pa lamang, bumangon na ko. Habang lulan ng Tricycle, namayani ang takot sa dibdib sapagkat may katulinan magpatakbo ang tsuper, napakapit tuloy ng mahigpit sa takot na mahulog. Iyon pala, nakikipagkarera sa isang tricycle driverat tila takot maunahan. Ano naman ang mapapala niya kung mauna kundi disgrasya ng angkas nitong pasehero. Dapat sa ganong driver, inirereklamo sapagkat peligroso ang pagmamaneho. Mabuti na lamang at wala naman nangyaring hindi kaaya-aya't maayos pa rin ang kalagayan. Pinapangako ko na hindi na sasakay sa kanya. Dakong Alas-siete na ng makarating sa Eskwela't saktong naroroon na ang karamihan sa kamag-aral maging si Sir Jigo. Itinuro lamang niya sa amin kung paano ang format ng paperworks at sadyang napakadetelyado, hindi pwedeng labagin sapagkat maaring ibasura ng panelista't lagagpak na grado ang kahihinatnan.

9g-w. Sa oras naman ng Humanities, nagkaroon lamang kami ng activity at iyon ay gumuhit ng bagay na sumisimbolo sa kung sino't ano ka. Napakainteresado ng aktibidad sapagkat lahat ng iyong expression, maibubuhos sa pamamagitan ng pagguhit. Maya-maya'y nagturo sa amin si Sir Esguerra tungkol sa mga Sining. Ngayong ko lamang napagtanto na ang bawat painting o drawing, may kaakibat na kahulugan at mensahe. Ikinabitin ko lamang ang mga itinuturo ni Sir Esguerra sapagkat kinapos sa oras. Sa halip na umuwi, pinuntahan ko pa sina Eloisa sa Library subalit sila Kalvin lamang ang nadatnan. Saktong namataan si Faye kaya nakipagkwentuhan sa kanya. Maya-maya'y sinamahan ko siya para kumain. Habang kumakain ay may isang lalaki ang sabat ng sabat sa aming usapan at panay ang trip nito kay Faye.

9g-x. Nakakatuwa ito kahit malokong nilalang kaya di na nagawang mabuwisit at nakipaglokohan na din sa kanya. Naging masaya ang usapan namin kaya hindi namamalayan ang takbo ng oras. Kung kailan pauwi na, doon ko nadiskubre na nawawala pala ang Sketch pad. Bago umuwi'y hinanap muna ito subalit hindi masumpungan, problemado tuloy ako pagkat hindi pa nalalagyan ng marka ang activity sa Humanities. Dahil sa kaburaraan ko, mukhang uulit sa gagawin. Pagdating ng bahay ay itinulog na lamang ang pagkawala ng Sketch pad.  Kinagabihan at dahil bagot na bagot, panonood muli ng telebisyon ang inatupag. Kung kailan matutulog na, sa di inaasahan ay biglang sumungit ang pakiramdam. Huwag sana itong magtuloy-tuloy para hindi muli mauwi sa paspasang gastos.


45 | 38 Tatlumpu't walong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 18, 2016
Friday
Year IV-323     

9g-y. Malamig na panahon ang sumalubong sa aking paggising kaya nahihirapan sa pagbangon. Habang nag-aayos ako ng gamit para sa pagpasok, natuklasang nawawala ang School kit.  Kahapon, Sketchpad ang nawawala tapos ngayon,School kit naman, hanggang kailan kaya ako magiging burara? Hinanap ko na ito kung saan-saan subalit hindi masumpungan. Mahuhuli na sa pagpasok kung ipagpatuloy ang paghahanap kaya napagsyahang mamaya na lang hanapin. Marahil ay naiwan ko ito sa Paaralan maging ang Sketch pad.  Pumasok ako na dala-dala ang kabigatan ng kalooban. Umaga pa lamang subalit nag-uumapaw na ang nararanasang stress. Kahit mukhang malabo ng maibabalik kung may naiisip namang paraan, nagawa pa ring ipanatag ang loob. Saktong naroroon na si Sir Laus pagkatungtong sa paaralan. Sa buong oras ng Psychological Testing laboratory, wala kaming ibang ginawa kundi mag-compile ng mgatesting materials sa clearbook na nakahiwalay ayon sa uri ng test.

9g-z. Hindi ko lubos malaman ang dahilan kung bakit ang bait-bait sa akin ni Sir Laus at sinabing favorite niya ko bilang estudyante nito. Hindi ko alam kung nagbibiro lamang siya o seryoso siya sa mga sinabi. Sa halip na matuwa'y parang napi-pressure tuloy ako't natatakot na magkamali, sa kadahilanang baka iyon ang magpabago sa pakikitungo sa akin ni Sir subalit ayos na yun nang sa ganon ay ma-motivate ako. Tulong-tulong kami ng katuwang na si Mara sa pag-aasikaso ng testing materials. Makaraan ang tatlong oras ay saka lamang nagturo sa amin si Sir Laus. Matapos ay nagkaroon kami ng pagsusulit na kung tawagin ay Prudent Non-language Test. Dahil common sense ang kailangan, naging madali ang naturang pagsusulit pero nakakalito't duling pa ang ipinapakitang figure.

9h-a. Nang tseking na, hindi ikinagalak ng loob ang natamong marka sapagkat below average. Nanatiling problemado ang isip sa pagkawala ng School kit at Sketch pad kaya napagpasyahang huwag ng daluhan ang klase sa Industrial Psychology at balak ng umuwi. Mukhang wala ng pag-asang maibabalik pa ang Sketch pad maging School kit kaya naisipang bumili na lang ng bago. Habang bumibili ako ng Sketch pad kina bakla sa Books and Everything, magkahalong tuwa at gulat ang biglang nanaig sa dibdib sapagkat naiwan ko pala sa kanila kahapon ang Sketch pad at School kit. Para akong nabunutan ng malaking tinik sa dibdib na kahapon pa namamayagpag ng maibalik ang mga iyon sa akin at abot langit ang pasasalamat sa kanila pagkat nagawang pagmalasakitan ang gamit ko, lalong-lalo na sa panginoon.

9h-b. Tunay ngang napakabait ng Diyos at sa kabila na burarang nilalang, hinahayaan niya pa rin maging mapalad ang buhay ko. Umuwi akong nag-uumapaw ang kagalakan sa dibdib. Kinagabihan, nabulaga ako sa napanood na balita sapagkat ganap ng inilibing sa Libingan ng mga bayani ang labi ni Ferdinand Marcos na lingid sa kaalaman ng lahat maliban sa pamilya nito. Kaya ang mga Anti-Marcos, parang sinindihan ng posporo ang dibdib kung maglagablab ang galit at panay ang protesta. Kahit kailan talaga, simula at sapul, ugali na ng mga Marcos na linlangin ang taong bayan. Para sa akin, kahit nailibing na si Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani, hindi pa rin masasabing bayani ito hangga't nakatanim sa kasaysayan at sa utak ng milyon-milyong mga tao ang kawalang hiya nito sa pamumuno at hindi na iyon mababago pa kailanman!


44 | 37 Tatlumpu't pitong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 19, 2016
Saturday
Year IV-324

9h-c. Gumising ako na iniinda muli ang panibagong problema. Ngayon na ang pasahan at checking Title para sa Thesis subalit hanggang ngayon ay wala pa ring nahahanap na kagrupo at iyon ang aking pinoproblema ngayon. Hindi naman ako papayag na mag-isang itataguyod ang paggawa ng Thesis sapagkat di kakayanin, kaya kahit sa tingin ay imposible nang makahanap ng kagrupo ay buo pa rin ang aking pag-asa. Saktong wala pa si Sir Jigo pagkarating ng paaralan kaya sinamantala ang panahong magtanong-tanong at hanap ng kagrupo. Napanghihinaan na ng loob sapagkat lahat ng napagtanungan, kumpleto na ang grupo. Mukhang kakailanganin kong lumipat ng ibang dashsapagkat nahihirapang humanap sa pinapasukang dash subalit hanggang ngayon na lamang maari ang pagpapalipat. Hirap na hirap na akong makapagdesisyon at hindi na alam ang mga dapat gawin. Bukod sa gulong-gulo'y nagsisisi din sa naging pasya. Wala na kong magagawa't naririto na, sa ibang sabi'y wala ng atrasan. Kahit nakapasok na si Sir Jigo, lumabas muna ako para makapag-isip-isip.

9h-d. Marami-rami pa naman ang di nag-e-enroll at pakiwaring madadagdagan pa kaya napagdesisyunang manatili na lamang sa Dash 5. Nawa'y maging responsable ang magiging kagrupo at mapagkakatiwalaan. Ipinagpatuloy ko ang pagtatanong-tanong hanggang sa may mahanap ako. Saktong kulang pa sila ng isa kaya agaran naman pumayag ng alukin ko. Nagagalak ako sapagkat sa wakas, may nahanap ng kapangkat sa Psychological Research at iyon ay sina Kim at Lexlie. Kahit hindi pa sila lubusang kilala, nilakasan ang loob na magbahagi ng kaalaman at makipagtalastasan sa kanila. Mababait naman sila kaya inaasahan kong makakasundo sila ng lubos at magiging kaibigan pa. Maya-maya pa'y tumungo na kami kay Sir Jigo para i-propose ang gawang mga title. Nuknukan ako sa daldal kanina't maraming pumapasok sa isip pero kung kailan kaharap siya, tila nilagyan ng stapler ang aking bibig sapagkat hindi makapagsalita't nabablangko rin.

9h-e. Tunay ngang gising pa ang pagtatangi sa kanya. Sa oras ng Humanities, nagturo lamang si Sir Esguerra sa amin at as usual, mistulan kaming sumasailalim sa bible study. Bago umuwi, naisipan ko pang tumungo ngComputer shop. Mga dakong Ala-una na ng makarating ng bahay. Kinahapunan at kasama ang ate, tamang panood lang kami ng UAAP Cheerdance Competition. Nakakabilib ang ipinakitang Dance perpormance ng bawat bigating kalahok na mga unibersidad at talaga namang buwis buhay, mula sa pagtambling-tambling ng katatayog hanggang sa paghagis-hagis. Nakakaaliw kung audience ka pero ikalalamog ng buong katawan at matinding hapo ang makakasagupa kung performer ka naman. Sa huli, National University ang hinirang na kampeon, paano'y kabog na kabog hindi lamang sa costume maging sa pagsayaw. Kinagabihan at sa halip na ibabad ang mata sa panonood ng drama, nagsunog-kilay ako. Ganap ng sumapit ang Alas-dyis kaya napagpasyahan ng matulog.


43 | 36 Tingnan nga naman ang panahon, sadyang napakatulin at mayroon na lamang tatlumpu't anim na araw bago sumapit ang Pasko.


November 20, 2016
Sunday

Year IV-325

9h-f. Thank God it's Sunday at ngayong araw lamang magigising ng hindi maaga. Mataas-taas na ang sikat ng araw sa labas at Alas-siete na kaya mugto pa man sa antok ang mga mata'y bumangon na ko. Kaagad akong namahala sa tindahan. Dahil magkakaroon kami ng maikling pagsusulit sa General Botany, nagrepaso ako. Hindi naging madali sa akin ang pag-aaral habang isa-isang kinakabisado ang scientific name ng bawat plants. Bukod sa nahihirapan ang isip na magkabisado, magkadanbulol-bulol din sa pagbigkas. Hindi pala biro ang maging Scientist at kailangan kabisado mo ang bawat scientific name ng halaman at hayop. Kung makabigkas ako ng mga Scientific word na di pamilyar sa pandinig, mistulang umuusal ng magic spell at iniisip na marahil ng mga nakakarinig na nabubuwang na. Maya't maya din ang mga bumibili kaya naantala ang aking pagkakabisado.

9h-g. Kahit sumasakit na ang tuktok sa dami ng kinakabisado, maging pasado lang ang grado sa darating na pagsusulit, hindi ako sumuko't nagpatuloy. Kaya lamang at ng makaramdam ng gutom at nawawalan na sa konsentrasyon, itinigil muna ang pagrerepaso. Matapos mananghalian, balak sanang ituloy ang pag-aaral, kaso sinaniban na ng katamaran at parang di na ibig pang sumakit muli ang bungo. Walang magawa kaya naisipang mamalantsa ng mga uniporme. Pagpatak naman ng hapon, naisipan kong magkumpyuter muli. Nakakabulahaw ang ingay ng mga umuupa't panay pa ang sigawan, hindi na makaya pang manatili kaya di na nagtagal pa. Kinagabihan, ipinagpatuloy ko ang pagsusunog-kilay sa General Botany. Kahit paano, madaling pumapasok sa isipan ang napag-aaralan kaya kumpiyansang hindi mangangamote oras na sumalang na ang sarili sa pagsusulit at goodluck, sana'y may maisagot. Mga dakong Alas-dyis na ng mapagpasyahang matulog.


42 | 35 Mayroon na lamang tatlumpu't limang araw bago sumapit ang Pasko.

November 21, 2016
Monday
Year IV-326

9h-h. Parang dumaan lamang ng mabilis sa aking palad ang weekend sapagkat matapos ang isang araw ay heto muli ako na gigising ng maaga para sa pagpasok. Kahit wala na halos pahinga sa pagpasok at gastos sa pamasahe't baon, papasaan pa't mairaraos din ito. Nahuli na ko ng dating sa eskwela kaya napagpasyahang huwag ng daluhan ang klase sa Filipino. Habang hinihintay na magsimula ang kasunod na asignatura, sinamantala ang oras para magrepaso sa General Botany. Makaraan ang isang oras at kalahati, tumungo na ko ng silid. Ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso habang wala pa ang presensiya ni Ma'am Eloisa. Humilab ang kaba sa kanya-kanyang mga dibdib ng pumasok si Ma'am at bago magsimula, pinangaralan pa kami ng sangkatutak. Nagbago na nga si Ma'am Eloisa pagdating sa pagsusulit sapagkat naging mahigpit na ito, na dati naman ay hindi at walang kawala ang mga mandurugas.

9h-i. Sa kakakuda ni Ma'am, mukhang matatapos ang oras na hindi pa nagsisimula ang pagsusulit subalit nagsimula naman kinalaunan. Dahil nakapag-aral-aral naman, naging sisiw lamang ang pagsusulit, iyon nga lang ay di mapigilang kabahan sa isinasagot. Kahit nadadalian ay di magawang makampanteng makakakuha ng nagtatayugang marka. Mahaba pa ang oras bago magsimula ang klase ng General Botany para sa laboratory kaya naisipang maki-sit-in sa klase nina Mika. Si Ma'am Joyce pala ang professor nila, nakaramdam bigla ng hiya kaya agad-agarang lumabas. Magkakaroon sana kami ng Experiment, kaso hindi natuloy sapagkat inanunsyo ni Ma'am Eloisa na may mga magbabantay daw na accreditor.

9h-j. Matapos niyang mag-anunsyo, kalahati sa bilang ng kanyang estudyante kabilang kami ay pinalabas at pinapunta sa library. Tutungo sana ng library para mag-research, kaso umiral ang pagkatamad. Saktong naroroon si Nadia pagkatungo sa may harap ng Registration office. Medyo ikakabato ko ang mahaba-habang oras kaya nakihalubilo sa kanya at kwentuhan. Nang kaligitnaan ng palitan ng aming kuro-kuro, biglang namataan ang mga kamag-aral ng Dash 2 sa di kalayuan mula sa amin. Nakapang-formalang halos lahat sa kanila na tila dadalo sa engrandeng handaan at hiyang-hiya ako sa pananamit nila pagkat ang didisente, iyon pala may defense sila ngayon para sa subject na Psychological Research. Kahit di kabahagi ng kanilang kinakaharap, dama pa rin ng dibdib ang kaba, lalo na't sa Sabado na ang aming defense.

9h-k. Nang matapos ang pangkat nnla Anne Rose at Limboc, tumungo kami ng silid. Lundagan sila sa galak na apaw na apaw sa mukha ng ipabatid ng isang kamag-aral na walang klase sa Abnormal Psychology. Wala nanaman magawa at para hindi lamunin ng pagkabagot, nakipagdaldalan nanaman ako. Kahit sabihin nilang madaldal ako at ubod pa, ang mahalaga'y hindi nakakasira ng may buhay na may buhay at nakakasakit ng damdamin ng iba. Habang kakwentuhan si Nikki, sa di inaasahan ay biglang nilapitan ni Jed at sabay bigkas, maganda raw ako. Kahit tingin ko, nambobola lamang ito'y hindi napigilan ang sariling kiligin, tapos sintamis pa ng asukal ang pagkakasabi kaya malakas ang dating sa akin.

9h-l. Kahit kailan talaga, ugali na ni Jed ang mambola't mambara simula ng makilala ito kaya sa halip na mabuwisit ka, lalo pa itong natitipuhan. Habang tumatagal ay lalo din itong kumikisig at ang cute pa kung pagmamasdan. Ilang sandali pa, pumasok na si Sir Nebres at nagsimula na ang pag-uulat. Habang kalagitnaan ng klase, bigla na lamang nanakit ang Ngipin. Sa tindi ng sakit, maging ulo ko'y apektado't ibig ng umuwi. Hindi na makaya pa ang sakit kaya napagpasyahang huwag ng dumalo sa susunod na klase. Patuloy kong naranasan ang pananakit ng Ngipin maging sa pagsapit ng gabi. Ginawa ko na ang lahat ng paraan, nagmumog, uminom ng pampakalma subalit tila hindi humuhupa o nababawasan man lamang ang sakit, walang ginawa kundi batain ang kirot.


41 | 34 Tatlumpu't apat na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 22, 2016
Tuesday

Year IV-327

9h-m. Pagmulat ng mga Mata kinamadaling araw, humupa na ang sakit ng ngipin, kaya wala ng dahilan pa para lumiban sa klase. Tila yelo ang lamig ng panahon na siyang nagpahirap sa aking bumangon subalit pinilit pa rin. Sa lamig, nakakatamad tuloy ang maligo't nagpunas-punas lamang. Namayagpag bigla ang pinagsamang kaba at takot nang pagkaalpas sa paaralan, saktong may professor na. Batid kong ikapupuyos ni Sir Laus ang pagiging pahulihin ko kaya tahasan itong hinarap at humingi ng paumanhin kahit ngatog na ang mga daliri sa kaba. Sa halip na ipamalas nito ang ngitngit ay nginitian niya lamang ako't nagawa pang makipagbiruan. Hindi ko malaman kung anong mayroon sa akin at favorite niya ko. Marahil ay nangti-trip lamang ito sa akin o sadyang may nakita itong bagay sa akin na nagustuhan nito kaya ganun na lamang ito kabait sa akin. Kahit kinagigiliwan ni Sir Laus, hindi naman nagpi-feeling. Mahirap na at baka masabing sumisipsip ako sa professor, mas maiging makasiguro.

9h-n. Batid kong napakaseryoso ng pinapasukang subject na Psychological Testing kaya gagamitin ang ganitong pagkakataon para kahit paano ay makapasa. Nagbigay lamang sa amin ng pagsusulit si Sir at hindi maiwasang ma-pressure sapagkat napakalimitado ng ibinigay na oras. Nang sumunod na oras ay sina Nicole at Shaira naman ang nagbigay ng pagsusulit sa amin na kung tawagin ay Cultural Fair Test. Sa hindi inaasahan ay nagkaroon ng aberya kaya hindi agad makapagsimula. Nangangamba na tuloy kaming dalawa ni Mara dahil ngayong araw din kami naatasang magbigay ng pagsusulit at baka mangyari sa amin ang nangyayari sa kanila. Kinalaunan ay nakapagsimula naman kami sa pagsusulit.

9h-o. Matapos nina Nicole ay kami na ni Mara ang sumunod na naging administer. Habang ipinamudmod ang mga Answer sheet at Test questionare, iyan na nga ang sinasabi sapagkat nagsisilitawan na ang mga problema. Hindi na halos alam ang gagawin pagkat nagkapatong-patong na ang mga problema't to the highest level na ang nararanasang stress. Paspasan tuloy kami sa pag-iisip ng paraan pagkat unti-unting nauubos ang oras. Sa totoo lamang ay isa ang araw na ito sa di malilimutan pagkat nagkasunod-sunod ang mga problema at hindi pala biro ang maging Administer. Mabuti na lamang, hindi si Sir Laus ang nagbabantay sa amin kundi mga Internship students ang nagbabantay, kung nagkataon ay mayayari ang pagka-favorite nito sa akin. Nakapagsimula naman sa pagsusulit kinalaunan.

9h-p. Kahit paano'y may natutuhan kami sa kinaharap na problema. Laking tuwa namin ni Mara pagkat sa wakas, nakaraos din kahit maraming palya. Industrial Psychology ang sumunod kong asignatura't nagkaroon lamang ng pangkatang pag-uulat. Sa halip na umuwi, tumungo pa ng library para maghanap ng mga title na maaring gamitin sa Thesis. Hindi naging madali ang pagpili ng mga Title pagkat maraming bagay ang dapat na isaalang-alang. Pakagat na ang gabi ng makarating sa bahay. Biglang nag-iba ang pakiramdam ko't tila nanamlay sa di malamang dahilan. Maya-maya pa'y napasugod na ng banyo. Hindi lamang isang beses kundi sunod-sunod ang aking pagdumi. Bukod sa maya't maya ang pagdumi, tila nilalagnat din. Ayaw ko naman mag-alala o pagalitan nila Mama kaya itinago ang nararamdaman at di pahalata. Sa sama ng pakiramdam, di na magawang magtagal sa panonood ng telebisyon at agad na humilata sa kama. Ano kayang pagkain ang dumali sa Sikmura ko?


40 | 33 Tatlumpu't tatlong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 23, 2016
Wednesday
Year IV-328

9h-q.  Sumapit na ang madaling araw at himbing na himbing na sa pagtulog ang kasamahan sa bahay maliban sa akin na di pa rin makatulog pagkat patuloy ang pagdudumi. Sa kakadumi ng walang puknat, parang kandilang unti-unting nauupos ang lakas. Bukod pa dun ay parang natitigang na rin. Dahil sa pagkakaroon ng Diarrhea at nanghihina din, napagpasyahang lumiban muna ng klase para magpagaling. Kung kailan sunod-sunod ang mga araw na may pasok ay saka nanaman tinamaan ng sakit. Dakong Alas-siete na ng magising ako at kahit nakapagpahinga na, tila hindi nadadagdagan ang lakas. Saka lamang nalaman nila Mama ang aking kalagayan kaya ngayon lamang nakapagpayo't sinamahan pa ng pagpapagalit. Dahil ninakawan ng lakas, walang ginawa sa buong umaga kundi humiga't nanatiling maya't maya ang pagdurumi. Pagpatak ng tanghali, kahit hinang-hina, sinubukang tumindig para kumain. Kahit paano'y nabawasan din ang dalas ng pagdurumi't bumabalik na rin ang dating lakas. Maging sa maghapon ay walang ibang ginawa kundi magpahinga, ng sa gano'y makabawi ng lakas at makapasok na bukas. Kinagabihan, ang inakalang maayos na ang lagay ng Sikmura, nagkakamali pagkat muli nanaman nag-alburoto. Maigi na lamang at hindi naman nagtuloy-tuloy, kung nagkataon ay manghihina muli't maisugod pa ng ospital ng de-oras. Bahala na lamang bukas kung makakapasok at sana gumaling na ko ng lubusan.  


39 | 32 Tatlumpu't dalawang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 24, 2016
Thursday

Year IV-329

9h-r. Bumalik na sa dating ayos ang lagay ng aking Sikmura maging ang tinataglay na lakas. Magaling na nga ako kaya wala ng dahilan pa para lumiban ng klase at hindi na ibig pang madagdagan ang mga Absent. Marami-rami ng mga kamag-aral ang nadatnan pagkarating ng paaralan maging si Sir Jigo. Walang maisipang gawin, hindi naman din kinikibo ni Sir at napapanis na ang laway sa kabagutan kaya naisipang makipagtsikahan. Sa buong oras ng Psychological Research, pagpo-propose lamang ng gawang title sa bawat mga pangkat ang iginugol. Sa totoo lamang, mahirap mag-isip lalo na kapag kakaibang research study at kung kailan kailangan na kailangan pa, saka naman nabablangko ang isipan. Kahit sa Sabado pa ang Title defense at dry run pa lamang ang ganap, animoy actual na pagkat salang-sala ni Sir Jigo ang pagpili ng mga title. Sa oras naman ng Humanities, nagturo lamang si Sir Esguerra sa amin.

9h-s. Nang may nalalabi pang oras, isa-isang tinawag ni Sir para ipresinta ang gawang artwork. Habang isa-isang ipinapaliwanag ng mga kamag-aral ang gawang artwork, di maiwasang maiyak sapagkat nakakakurot ng damdamin ang kanilang kwento. Ang masaya't nuknakan pa sa ingay na klase, sa iglap ay biglang nanahimik ng si Angela na ang magsalaysay. Napaiyak na nga ito habang nagkukwento't sa tagal ng panahong kamag-aral ito, ngayon lamang nabatid ang mga napagdaanan niya't halos hawig sa takbo ng mga pelikula. Kawawa naman pala siya subalit hanga din sa kanya sapagkat sa kabila na masalimuot ang mga dinanas niya, nagpakatatag ito. Tuloy ang naging madrama na ang buong klase na kulang na lamang ay bumaha na dahil sa iyakan.

9h-t. Maging ako, napapaiyak na. Ayaw ko na dapat mag-volunteer para ipakita ang gawa't magkwento dahil wala pa sa kalingkingan ang naging buhay niya sa buhay ko, kaso pinilit ng mga kamag-aral. Gumagapos man ang hiya sa dibdib, tahasang kong ipinaliwanag ang gawa. Palakpakan sila matapos kong magsalaysay at nakakataba ng puso dahil na-appreciate nila ang mga sinabi ko. Wala ng kasunod pang asignatura kaya agarang ng umuwi. Kinahapunan, walang magawa ang lola at bilang libangan ay naisipang magpatugtog. Kinagabihan at bago matulog, paggawa ng mga assignment ang napagkaabalahan. Dakong Alas-dyis na ng mapagpasyahang ihilata ang katawan sa kamang kay lambot.   


38 | 31 Tatlumpu't isang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 25, 2016
Friday
Year IV-330

9h-u. Naging maulan ang buong magdamag na siyang nagbigay lamig sa aming nararanasan. Pagpatak ng madaling araw at pagkamulat ng mga Mata, gulantang ang aking dibdib ng ipabatid ni Mama na nabasa ang mga gamit ko na nakalagay sa may bintana. Maigi na lamang, may pabalat na ang aking mga aklat na siyang nagprotekta mula sa tubig kaya di naman nabasa subalit nakakapanlumo dahil ang ilan sa mahahalaga kong gamit, hindi na mapapakinabangan gaya ng papel at Diksyunaryo. Kung di lamang nakausli ang kawad ng antenna sa may bintana para tumulay ang agos ng tubig mula sa bubungan, di sana mababasa't perwisyo talaga iyon para sa akin. Umagang-umaga pa lamang pero ibang klase na ang badtrip sa dibdib na nag-uumapaw. Maging maingat at masinop na lamang sa susunod upang di na magkaroon pa ng problema. Mukhang mahuhuli na sa pagpasok at nakakahiya naman kay Sir Laus, kapag nahuli ng dating at baka hindi na maging favorite. kaya dinalian na sa pagkilos.

9h-v. Dakong Alas-siete na ng makatungtong ang yapak sa paaralan, saktong wala pa si Sir Laus at mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadadatnan. Minuto na lang ang bibilangin, hindi pa dumarating si Sir maging ang katuwang na si Mara at tila di nadadagdagan, ano kaya ang nangyari't mukhang hindi matutuloy ang klase. Ilang sandali pa, sa wakas ay pumasok na rin si Mara. Natuloy pa rin ang pagbibigay ng pagsusulit ng ilang naatasang kamag-aral kahit wala ang presensiya ni Sir LausSRA Verbal test ang una naming naging pagsusulit at sila Hanna at Jhanina ang administer. Anong hirap ng pagsusulit at kailangan ay matalas ang memorya, tapos napakalimitado lamang na ibinigay na oras at halos isang daan na ang bilang ng mga aytem kaya labis ang pagka-pressure.

9h-w. Natapos ang ibinigay na oras na di pa nangangalahati sa pagsagot. Raven progressive test ang sunod na pagsusulit, madali sa una dahil para ka lamang magbubuo ng puzzle pero anong hirap ng kalagitnaan na't kapatong-patong ang nasa utak. Wala ibang iginugol sa buong oras ng Psychological Testing laboratory kundi magkaroon ng sangkatutak na pagsusulit. Ilang sandali pa, sa wakas ay dismissal time na. Sa oras ng Industrial Psychology, nagkaroon lamang ng group report. Maya-maya, ang usapang pang-industriya, biglang napadako sa usapang pang-bibliya't parang pastor si Sir Juangco kung makapangaral sa amin. Mabuti na lamang talaga, naging professor ito dahil daming magagandang bagay ang natutuhan sa kanya. Bukod pa dun ay napapalapit ang loob mo sa Maykapal.

9h-x. Ilang sandali pa at sa wakas ay uwian ko na rin. Kinagabihan, napukaw ang natutulog kong damdamin ng matunghayan sa palabas na Encantadia ang kinakaharap na buhay ni Lira sapagkat ginawa na ngang di kaaya-aya ang kanyang hitsura ni Bathalumang Satanas, binura pa siya sa isipan ng lahat ng mga nakakakilala sa kanya. Kaya ang resulta'y madalas itong pagtabuyan maging ang tunay nitong pamilya't nakakaawa siya. Sa kabila na napakabigat ng kanyang pinagdadaanan, hindi pa rin ito nawawalan ng pag-asa't nanatiling matibay ang pananalig sa Diyos. Sadyang maawain ang Diyos at di niya ipaparanas sa'yo ang habang buhay na pagdurusa. Binabagtas mo man ang napakadilim na daanan gaya ni Lira, huwag mawalan ng pag-asa at magpakatatag dahil naghihintay sa'yo ang magandang kinabukasan.


37 | 30 Eksaktong Isang buwan na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 26, 2016
Saturday

Year IV-331

9h-y. Hinihikab-hikab pa ng lagay at parang nakakabitin ang pagtulog subalit kailangan ng awatin ang sarili para sa muling pagpasok. Nabibilang pa lamang ang nadadatnang kamag-aral pagkatungo ng paaralan subalit nasa harapan na si Sir Jigo na nagmumukmok. Hindi naman nagtuturo si Sir kaya sinamantala ang panahong magkakagrupo para asikasuhin ang Title. Hindi talaga biro ang mag-isip ng mga Title sapagkat kailangan detelyado't unique din ang nilalaman nitong topic sapagkat nagsasawa na raw ang mga panel. Pigang-piga na ang utak sa kakaisip subalit wala pa ring naiisip na magandang title. Maya-maya pa, ipinakonsulta na namin kay Sir Jigo ang gawang title, as usual ay reject ang iba pero may napili naman siya, iyon nga lang ay kailangan pa pabanguhin. Sa mga sinabi niya, tingin ko ay may napipisil na siya para pagtuunan namin ngresearch.

9h-z. Mahaba pa ang oras at dahil wala naman ginagawa, nakipagtsikahan muna kina Nikki. Sumasaya ang mga bawat sandali sa tuwing kahuntahan at kalokohan sila't panay din ang halakhakan kahit may professor sa harapan na nakatingin sa kawalan. Sa oras ng Humanities, nagkaroon kami ng artwork activity. Lahat ng nakapagpresinta kahapon kabilang ako, binigyan ni Sir Esguerra ng ibang pagkakaabalahan. Ilang sandali pa, isa-isa kaming tinawag ni Sir para ipresinta ang artwork. Kinapos na sa oras kaya suwerteng hindi na inabot ang ilan sa amin kabilang ako. Wala ng kasunod pang asignatura kaya kahit maaga pa, diretso na sa pag-uwi. Kinahapunan at pagkagaling mula sa mahimbing na Siyesta, umatake nanaman ang pananakit ng Ngipin. Walang ibang ginawa kundi tiisin ang sakit at sa tindi, maging ulo ko'y apektado.

9i-a. Patuloy kong naranasan ang pananakit ng Ngipin maging gabi. Walang magawa't para makalimutan ang pananakit ng Ngipin, naisipang libangin ang sarili sa panonood ng Telebisyon. Ang ganda ng natunghayang kwento sa Magpakailanman at animoy malapelikula ang naging buhay ng magkapatid na Raymond at Randy sapagkat madalas ay hindi sila magkasundo't kung iisipin ay para silang puti at itim dahil halos magkasalungat sa maraming bagay. Si Raymond, mahilig makipagbarkada't bulakbol pa samantalang si Randy, madalas ay nasa bahay lamang at palaaral. Nagkaroon ng matinding hidwaan sa pagitan ng dalawa na muntikan ng mauwi sa patayan dahil sa pagseselos ni Raymond sa pagmamahal ng magulang pero nagkaayos din sa dakong huli't may aral kang kapupulutan.

9i-b. Sa Maala-ala mo kaya naman, sa kabila na tinatamasa ni Gwen ang marangyang buhay sa puder ng mayaman nitong angkan, naging mapanganib naman ito sa kanya sapagkat pumapatay ang kanyang pamilya, maprotektahan lamang sila mula sa pangil ng pulitikang pinasukan ng lolo nito. Nung una'y inunawa ni Gwen ang angkan nito at takot na takot subalit ng manggahasa ang tito nito't hindi na makaya ng kanyang konsensiya ang mga nangyayari, doon na naglakas loob na lumaban at magsumbong. Hindi lamang naging maganda't madilim ang ending sapagkat nakulong si Gwen dahil sa pagsasakripisyo nito. Kahanga-hanga ang katapangang ipinakita niya pagkat sa kabila na mahirap iyon para sa kanya na banggain ang angkan nito para itama ang pagkakamali nila, nagawa pa rin niya. Dapat sa mga taong walang hangad kundi kabutihan, pinagpapala ng lakas ng loob at huwag hayaang sumanib sa kanilang puso ang kaduwagan. Sa sobrang tutok ng mata sa panonood ng telebisyon na halos hindi na kumukurap, nawala na ang pananakit ng ngipin na siyang ipinagpapasalamat ko.


36 | 29 Dalawang pu't siyam na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 27, 2016
Sunday
Year IV-332

9i-c. Hindi mapigilan ang dibdib na matuwa dahil sumapit muli ang pinakahihintay na araw, ang linggo at ito ang araw para magkakaroon ng panahong makapagpahinga matapos ang sunod-sunod na araw na may pasok. Natutuwa ako dahil nagawang lampasan ang dumaang buong linggo kahit hindi ito madali para sa akin at nakakapagod pa. Nawa'y makaya pang lampasan ang mga darating pang linggo hanggang sa magtapos ang pag-aaral at maabot ang pangarap. Ngayong araw lamang din nagising ng tirik ang araw at di namamayani ang antok sa mga mata't nag-uumapaw ang kasiglahan. Dahil walang pasok sa araw na ito, sinamantala ang panahong makapaglinis ng bahay. Simula ng magkaroon ng pasok, ngayon lamang muli makakapagwalis-walis at punas at nakaka-miss ang ganitong gawain.

9i-d. Makailang saglit pa, paggawa ng mga assignment ang napagkaabalahan. Kung kailan tutok ang mata sa mga aklat ay medyo sinisipag-sipag sa pag-aaral na tipong ibig mong magbasa sa maghapon pero kapag di mo kaharap ang libro at gadget ang tangan-tangan, tamad na tamad ka magbasa o mag-aral. Ganyan na talaga ako't hindi malaman kung kailan balak mag-aral, depende sa hawak ko. Mukhang  sinaniban ng kasipagan ngayon kaya matapos gawin ang takdang-aralin, paglalaba naman ang sunod na inatupag. Matapos ang paglalaba at dahil mugto na ang mata sa antok, pansamantala munang natulog. Dakong Alas-kwatro na ng magising at dahil may pasok nanaman kinabukasan, pamamalantsa ng uniporme ang napag-ukulan ng panahon. Kinagabihan at gawa na nababagot ng lagay, tutok muli ang mata sa telebisyon. Kahit madalas ay ganito ako na mas adik sa panonood ng Telebisyon kaysa mag-aral, ang mahalaga'y hindi adik sa masamang bisyo maaring ikasira ng buhay lalong-lalo na sa droga.


35 | 28 Patak-patak dalawang pu't walong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 28, 2016
Monday
Year IV-333

9i-e.  Pumatak nanaman ang araw ng Lunes, maaga muling magigising kahit wala pang araw. Patuloy pang namamayani ang antok sa mga Mata kaya pahirapan sa akin na idilat ng maigi at tinatamad pang bumangon. Dahil sa kabagalang kumilos, nahuli ng dating sa paaralan at marami-rami ng kamag-aral ang nadadatnan maging si Ma'am Burabo. Mayroon pa lang pangkatang gawain at maigi na lamang ay may alam ako sa naging aralin nila matapos ang ilang araw na pagliban sa klase kaya may naitutulong naman kahit hindi napagsabihan tungkol sa gagawin. Pagkatapos ay bawat pangkat kaming iprinisenta ang gawain. Ang seryosong pagtuturo ni Ma'am Burabo na animo'y makata dahil napakasining ng pagsasalita, nauwi sa tawanan at minsan ay asaran na rin. Kahit nakakabato ang asignaturang Filipino, nalilibang ka dahil sa nakakatuwang professor. Sa oras naman ng General Botany, bago magturo si Ma'am Eloisa ay nagpa-recite muna ito. Walang mangahas na sumagot sa amin sa hirap ng kanyang katanungan kaya nagsimula nanaman ito dumakdak.

9i-f. Sa malabuhangin niyang pagkuda, matatapos ang oras na hindi pa ito nakakapagturo't nakakasuya ang ganung professor. Kung alam ko lamang na siya ang magiging professor, dili sana'y di na pinili pang pasukan ang ganung seksyon. Ikinahihinayang ko na napunta sa kanya at hindi kay Ma'am Zandra. Tapos ay mahilig pa mangumpara sa ibang klase na hawak nito kaya humahaba ang usapan. Alam kong may pagkukulang kami kaya siya nagkakaganyan pero hindi naman tama na mangumpara siya't tila minamaliit pa niya kami! Nakapagturo naman siya kinalaunan at maya-maya, sa wakas ay dismissal time na for the lecture. Saktong breaktime nina Anne Rose kaya nakisama muna sa kanila. Matapos nilang kumain, heto muli kami sa kantahan at mapapabirit muli ng wala sa oras kahit sintunado.

9i-g. Sa saya at sabik, nawala na ang hiya ko't nagawang kumanta kahit panay ang tawanan nila. Itong si Limboc naman, nuknukan sa kakulitan at daming alam na kalokohan kaya laughtrip kami sa kanya. Animoy kami lamang ang tao sa canteen kung makahalakhak ng pagkalakas-lakas at lampungan pa. Sa sobrang saya nilang kasama, hindi namamalayan ang oras at nakaligtaang may klase pa sa General Botany. Labag man sa kalooban ay kinailangan ng magpaalam sa kanila. Saktong nagsimula na ang pagsasagawa ng experiment pagkaalpas ng yapak sa Laboratory at iyon ang napagkaabalahan sa loob ng dalawang oras. Dahil mahaba-haba pa ang oras ng aking Vacant time para tanggal pagkabato, naisipan muling maki-sit-in sa klase ng mga kamag-aral sa Dash 2, isa pa'y para masulit ang araw na masilayan siya. Ilang sandali pa'y pumasok na si Ma'am Joyce at nagturo. Tungkol sa ADHD ang kanyang itinuro. Sa oras naman ng Economics, nagkaroon lamang ng pangkatang pag-uulat. Paano ka naman makakapag-ulat ng maayos kung panay ang tanong ni Sir Nebres at di na muna niya hayaang magpaliwanag ang mga nag-uulat kaya nai-interrupt na't nawawala sa sasabihin.

9i-h. Dapat sa ganung guro'y itikom ang bibig at saka na lang magsalita pagkatapos. Parang siya na tuloy ang nag-uulat at kung ako sa katayuan nila, baka magwalang hiya sa kanya. Sa hindi inaasahan ay umatake nanaman ang pananakit ng Ngipin. Gusto ko ng umuwi ng mga oras na iyon dahil di na makaya ang sakit pero hindi na ibig pang madagdagan ang absent, walang ginawa kundi batain ang sakit. Sa oras ng Literature, nagkaroon din ng pag-uulat at matapos ay nagkwento sa amin si Ma'am Zabala. Maya-maya at sa wakas ay uwian na rin. Napawi naman ang pananakit ng ngipin pagkauwi ko kaya nagagawa ng ngumuya ng husay. Sa pagod, matapos itutok ang mata sa Telebisyon ay agaran ng humilata.


34 | 27 Dalawang pu't pitong araw na lamang at Pasko na.


November 29, 2016
Tuesday
Year IV-334

9i-i. Patak-patak Alas-singko na ng umaga ako nagising at dagliang bumangon. Anong siglang namamayani sa aking loob kaya ganadong-ganado sa pagpasok at sana'y parating ganito ang pakiramdam upang sa ganon ay makayang kaharapin ang mga bagay-bagay, gaanoman kahirap. Parang nasa alapaap ang pakiramdam ko habang pumapasok at pagkarating ng paaralan, nabibilang pa lamang ang mga kamag-aral subalit naroroon na si Sir Laus. Hindi akalaing siya pa ang unang babati sa akin sa halip na ako't nakaka-overwhelm. Hindi malaman kung bakit pinakikitaan niya ko ng kabaitan subalit maigi ng ganon upang maging matiwasay ang pag-aaral sa Psychological Testing. Hinintay pa ni Sir Laus na dumami kami bago ito magsimulang magturo. Habang siya ay nagtuturo, kabagan halos ang sikmura sa kakatawa't napakakwela niyang maging guro. Wala din itong ginawa kundi pagtripan kaming dalawa ni Kalvin at naging matunog ang aming pangalan sa klase dahil madalas ay tinatawag.

9i-j. Nakakatuwa dahil nakakasagot naman sa ibinabatong katanungan at nakakataas ng kumpiyansa sa sarili. Ang makwelang pagtuturo ni Sir Laus, napalitan ng pagkalumbay nang ipabatid niya sa amin na hindi na ito magiging professor sa susunod na taon, sa kadahilanang may aasikasuhin ito. Bukod sa nalungkot, biglang namayani ang kaba ng sabihing si Ma'am Ria ang papalit sa kanya. Delikado pa naman siya maging professor sa ganung subject pagkat ayon sa mga nakausap ko'y nambabagsak raw ito't hindi pa mahilig maawa. Hindi pa naman basta-basta ang asignaturang Psychological Testing dahil maraming mawawala kapag di nakapasa kaya nakakapanghinayang kung umalis si Sir at mapunta kay Ma'am Ria. Maigi sana kung si Ma'am Joyce o si Sir Jigo, magagawang ipanatag ang kalooban. Todo ang pagtutol namin habang nagpapaalam si Sir at yung iba sa amin ay napapaiyak na. Goodluck na lamang sa amin kapag umalis si Sir at nawa'y hindi totoo ang iniisip.

9i-k. Matapos ang halos tatlong oras na pagtuturo ni Sir Laus, nagtsek kami ng mga test paper. Nakakadismaya lamang dahil ang bababa ng nakukuha't nakakahiya kay Sir. Sa oras naman ng Industrial Psychology, wala pa ring ginawa kundi mag-report ang ilang kamag-aral. Kung kailan uwian na, doon nanaman sumakit ang Ngipin ko. Mukhang dumadalas na ang pananakit ng Ngipin at marahil ay kailangan ng ipabunot para hindi na maranasan ang sakit. Diretso pahinga ako pagdating ng bahay pero hindi magawa ng maigi dahil patuloy na iniinda ang pananakit ng Ngipin. Para maibsan ang sakit, mumog muli ng maligamgam na tubig na may asin. Nabawasan naman ang sakit pagsapit ng gabi kaya nakatulog ng maigi.


33 | 26 Mayroon na lamang dalawang pu't anim na araw bago sumapit ang Pasko.

November 30, 2016
Wednesday
(Bonifacio Day)
Year IV-335

9i-l. Huling araw para sa buwang ito at paggunita sa kaarawan ng isa sa mga Pilipinong bayani na si Andres Bonifacio, ama ng Katipunan. Dahil deklaradong holiday, walang pasok at hindi maaga magigising. Dahil tinatamad-tamad ng lagay, dakong Alas-siete na nang mapagpasyahang bumangon. Sinamantala ko ang araw na walang pasok sa paglilinis ng bahay. Sumunod ay paglalabada ang inatupag. Sa totoo lamang kapag marami kang labahin na tipong gabundok, hindi biro ang maging labandera araw-araw at kakapagod. Sa dami ng nilabhan, magkandapagod-pagod na subalit ayos lamang, ang mahalaga'y may nagagawa. Buhay na buhay pa rin ang beauty sa kabila na pagod na sa kakalaba.

9i-m. Matapos ang pagiging labandera ko at dahil walang magawa, naisipang tulungan si Mama sa pagtitinda. Medyo nakakaramdam ng antok kaya napagpasyahan munang mag-siyesta. Sa kasarapan ng aking tulog, malapit ng sumapit ang Alas-kwatro ng magising. Kinagabihan, tamang panonood muli ng Telebisyon. Kasabay sa paggunita sa kapanganakan ni Bonifacio ay isinagawa din ngayong araw ang kabi-kabilaang kilos-protesta upang ipakita't iparinig na di sang-ayon ang nakakarami sa pagpapalibing kay Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani. Maging mga kabataan na halos kasing edad ko lamang, nakisali na rin at nagninibugho ang bawat damdamin ng mga nakilahok. Patunay ngang sa panahon ngayon ay palaban na ang mga Pilipino at hindi hinayaang magpailalim sa nakakataas. Hindi matatawag na bayani ang isang tao kahit inihimlay na sa libingan ng mga bayani kung marami naman itong nasaktan at nagawan ng kasalanan. Kahit daan taon man ang lumipas na nakahimlay siya, hinding-hindi maikikintal sa isipan na isa siyang bayani. Diretso na sa pagtulog matapos itutok ang mata sa telebisyon.


32 | 25 Dalawang pu't Limang araw na lamang at Pasko na. Bukas ay Disyembre na!