Lunes, Oktubre 31, 2016

46. October 2016 Journal (Day 1370-1400)

October 01, 2016
Saturday

Year IV-275

9a-s. Nagniningning na ang liwanag sa labas ng magising at bumangon. Mahuhuli na sa pagpasok kaya apurado muli sa pagkilos. Pagkatungtong sa paaralan, nadatnan nasa labas ang mga kamag-aral, iyon pala'y inaayos ang silid at sa ibang silid namin idinaos ang klase sa Group Dynamics. Habang nagtuturo si Ma'am Ria ay sinamantala ang oras para gawin ang sakit sa ulo at stressful na thesis. Maya-maya pa'y lumabas na kami at habang magkakasamang kumakain, di maubos-ubusan ng tawa ng biglang lumipad ang kanin mula sa bibig ni Limboc habang ito'y nagsasalita at saktong sa uluhan pa ni Mara ang natalsikan. Mabuti na lamang at malayo ako at di naman natamaan. Sa oras ng Genetics, nagkaroon lang ng reporting. Hindi ko maintindihan sa sarili kung bakit nagiging matanong, gawa lamang ba na hindi ma-gets ang kanilang inuulat o baka naman gusto magpapansin kay Jed.

9a-t. Akala ko, kay Sir Jigo lamang ang nilalaman ng puso pero bakit nag-iiba ang pakiramdam kapag nakikita si Jed. Ang gulo ng naman nasa puso at hindi malaman kung sino ba sa kanilang dalawa ang tunay na itinitibok nito. Marahil ay maaring dalawa o higit pa ang ibigin ng puso pero sa huli ay kailangang isa lang. Sa halip na mayamot ay tila kinukurot sa kilig ang dibdib ko ng gatungan at hiritan ni Jed. Sinusubukan kong iwaksi ang nararamdaman kay Sir Jigo at ibaling na lang kay Jed sapagkat batid ng isip na magkaiba kami ng katayuan sa buhay at may kasintahan pa, kaso di magawa at tumitingkad pa sa tuwing nasisilayan ito at nakakausap. Nang makapag-isip-isip, doon lamang napagtanto na dalawang tao pala ang nagmamay-ari ng puso at first timelamang mangyari iyon sa buhay. Ganito pala kapag ma-inlove, nagiging iba ang kilos mo at para kang mababaliw sa kakaisip.

9a-u. Matapos ang klase sa Genetics at sa halip diretso sa Laboratory, dahil tinatamad pumasok sa klase ng Physics ay nagtungo sa library. Saktong naroroon ang ilan sa mga kamag-aral maging sina Anne Rose at laking tuwa ng ipabatid na hindi tuloy ang klase sa Physics. Sinamantala namin ang oras para tapusin ang Thesis. Maya-maya pa at sa wakas, natapos na rin ang Thesis subalit hindi pa pwede magsaya sapagkat kakaharapin naman ang Final defense. Walang magawa kaya tamang nuod lang kami ni Mara ng Video na pinamagatang The Purge. Bukod sa nakakatakot, kakaiba ang palabas dahil lahat ng iligal at ipinagbabawal na gawain gaya ng pagnanakaw, panggagahasa, pagpatay at iba pa, nagiging ligal sa Purge day at sa loob lamang ng isang araw, grabe pagkat maraming magaganap na karamuldumal at tila dinaig pa ang giyera sa patayan.

9a-v. Napapaisip ako, paano kaya kung ganoon ang ipatupad sa ating bansa, marahil ay matinding takot ang mararanasan ng bawat isa pagkat walang ligtas sa mga masasamang loob saan ka man dumako at iisiping katapusan mo na. Medyo nahumaling ako sa pelikula kaso hindi na natapos pa pagkat may klase pa si Mara. Sa pagod, kaagad ako nag-siyesta pagdating ng bahay. Kinagabihan, panonood ng telebisyon ang siyang inatupag. Habang tinutunghayan ang palabas sa Magpakailanman, kamangha-mangha ang naging buhay ng isang babae dahil ng mahablot ang kanyang Cellphone, hindi akalain na mapupunta iyon sa taong destiny niya at iyon pa ang daan para makilala ang isa't isa hanggang sa maging sila. Mabuti pa siya, naibalik ang Cellphone at nakilala pa niya ang mapapangasawa, samantala ako na nakalimang Cellphone na naiwawala dahil sa kaburaraan, parating nauuwi sa wala ang pag-asang maibabalik pa. Ayaw ko man itong hilingin pero kung sakaling mawalan muli ng Cellphone, iyon na ang pagkakataon para makilala si MR. Right.  


92 | 85 Walong pu't limang araw na lamang at Pasko nanaman.


October 02, 2016
Sunday
Year IV-276

9a-w. Araw muli ng Linggo at sa katakawang matulog, tinanghali na ng gising. Pagkabangon at almusal ay kaagad akong nagbantay sa tindahan. Pagkatapos ay pamamalantsa naman ang sunod na inatupag. Tamang kinig lamang ng saliw sa musika habang abala sa pamamalantsa at nakakabigay ng gana. Sa dami ng aking uniporme na kailangang plantsahin, abutin ng halos isang oras. Marami-rami rin ang aking ginawa kaya matinding gutom ang inabot. Pagkaluto ng ulam, dinaig pa ang guhit ng kidlat sa bilis sa pagtungo sa mesa't wala ng isisiba pa sa pagkain. Kinahapunan, tumungo ako ng computer shop para ipagpatuloy gawin ang report presentation sa Genetics.

9a-x. Uminit bigla ang ulo sapagkat kung kailan marami ng nagagawa, saka naman kusang nag-shut down ang Computer. Sa halip pairalin ang pagkairita'y di ako sumuko sa paggawa pero ng ikalawang beses, parang ibig ng wasakin ang monitor sa yamot at sipa-sipain ang CPU. Halos dalawang oras tirik ang mata sa kakagawa ng presentation, tapos mapupunta lamang sa wala at minamalas nga naman. Naubusan na ng pasensiya kaya sa halip na ulitin ay umalis na lamang. Hindi pa ibig umuwi kaya naisipang gumawi ng Recrap. Pagkaalpas sa bahay nina Regine (Miano), nadatnan naroroon ang mga kapatid nito na sila Ate Ajhing at laking tuwa sapagkat maging si Annie ay naroroon din.

9a-y. Mukhang na-miss ang isa't isa pagkat may katagalan din hindi nagkikita kaya di maiwasang magkamustahan. Napasarap ang pananatili sa kanila sapagkat masayang kasama at nakakaaliw kaya inabot na ng gabi sa pag-uwi. Pumatak na ang Alas-dyis na dapat sana namamayani na ang kapayapaan sa kapaligiran subalit malayo sa nagaganap ngayon na maingay at kabwisit dahil tila ayaw magsipag-uwi ng mga tambay. Nakakainis at bakit nagawa pang tanggalin ang Curfew sa buong Quezon City, bulahaw tuloy sa mga magsisipag tulog na. Hinintay pang gumitna ang gabi bago makamtan ang katiwasayan ng pagtulog.


91 | 84 Walong pu't apat na araw na lang at Pasko na.


October 03, 2016
Monday
Year IV-277

9a-z. Nakakabitin ang dumaang Weekend at tila hindi man lamang maramdaman sapagkat Lunes nanaman, maaga muling magigising kahit sakop pa ng antok ang mga Mata. Hindi naman nahuli ng dating at saktong wala pa si Sir Jigo kaya ang buong klase, balot sa kaingayan at tila walang kapagal-pagal sa pagbuka ng bibig ang mga kamag-aral. Natuldukan ang kaingayan ng pumasok si Sir Jigo at kami ay kanyang pinagpangkat-pangkat. Pagkatapos ay nagtalakay ito hinggil sa gagawing Guidance Program. Medyo lutang ngayon sapagkat walang ibang nasa isip kundi mukha niya kaya hindi makuha ang tinuturan nito. Sa oras naman ng Social Psychology at habang hindi pa pumapasok si Sir Ronan, tamang kwentuhan ang ginawa kina Charish at Arnel. Pumatak na ang higit sa Alas-onse subalit hindi pa pumapasok si Sir at mukha malabo ng dumating ito kaya napagpasyahang umalis na. Ano ba 'yan at sayang lamang ang ipinasok, sipag kasi ng aming professor.

9b-a. Mukhang hindi rin matutuloy ang klase sa Education 3 sapagkat hindi pa namamataan ngayong araw si Sir Ronan kaya sa halip na pumasok ay sinamantala ang pagkakataong tapusin ang Report Presentation sa Genetics. Pagkapasok sa Computer Shop, anong ingay ng mga umuupa at sakit sa Teynga pagkat nagsisigawan pa na akala'y tagabundok at ang lulutong pa magmura na akala'y hindi nag-aaral. Kawawa ang mga nagpapaaral sa kanila sapagkat walang kaalam-alam na ang perang ibinibigay sa pag-aaral, nilulustay lamang sa paglalaro ng DOTA, paninigarilyo at iba pa. Kahit iritable na sa kinalalagyan, walang ginawa kundi nagtiis. May napatunguhan naman ang pagtitiis dahil sa wakas, natapos din gawin ang presentasyon. Saktong sina Anne Rose lamang ang nadatnan pagkatungo ng Canteen na kumakain. Makailang sandali pa, lumakad na kami patungong library at doon nanatili.

9b-b. Pagkatungo ay saktong namataan sina Mary at Eloisa, sa kanila muna nakisama. Napasarap ang lokohan naming dalawa ni Eloisa, kaya hindi namamalayan ang oras at kailangan ng tumungo sa silid. Nami-miss ko ang dati na kami ay magkakasama at sana maulit iyon muli. Sa oras ng Experimental Psychology, pagre-revise ng Thesis ang siyang iginugol. Hindi nga lang kami makapagsimula sapagkat hindi pa naibabalik ni Ma'am Joyce ang ilang bahagi ng ipinasang Thesis at bigla pa itong nawala, hinanap pa namin siya. Kinalaunan ay nahagilap naman si Ma'am at  tinawag ang bawat grupo para ipakita kung ano pa ang dapat baguhin sa Thesis. Nang kami na ang kausapin, nanlaki ang mata pagkat marami pang dapat baguhin sa format ng Table of Data, hindi na kami nag-aksaya pa ng panahon para asikasuhin iyon matapos kausapin ni Ma'am Joyce.

9b-c. Akala ko tapos na, pero ano ba 'yan at pagdudusahan muli ng utak ang Statistics at mukhang gagabihin pa. Hindi pa maintindihan ang ibinigay na table ni Sir Jigo sa amin kaya muli namin siyang hinanap subalit nakauwi na raw ito. Sa halip na ituon ang oras para ayusin ang Table, doon kami nagpokus sa Conclusion and recommendation at sa sobrang abala, inabot na ng takip-silim. Nang masigurong ayos na, saka na tumigil. Kahit gumagabi na'y nanatili pa kami sa School at kwento-kwento na may kasamang kulitan kasama sina Anne RoseEllaFayePeterLimbocKathleen at Jen. Kahit stressful ang araw na ito dahil sa sandamakmak na gawain sa Thesis ay nanatili pa ring maligaya dahil sa kanila at hindi ko ito malilimutan. Dakong Alas-otso na ng makarating sa bahay at sa pagod na dinaranas, diretso higaan ako matapos manuod ng paboritong drama.


90 | 83 Walong pu't tatlong araw na lamang at Pasko. Kung anuman ang tinatamasa ngayong araw, sana'y magtuloy-tuloy ito.


October 04, 2016
Tuesday

Year IV-278

9b-d. Nagniningning na ang liwanag sa labas ng magising at sa halip na ilaan ang araw na ito para ipagpahinga ang utak at katawan mula sa paspasang pag-aaral ay kailangan muling tumungo ng Eskwela para kausapin si Sir Jigo tungkol sa ibinigay nitong table at ayusin ang mga mali sa Thesis. Kahit na ganon ay ayos lamang at maganda nga iyon para may pagkakataong masilayan itong muli. Uulanin nanaman sa kilig ang aking dibdib at kung di lang mahiyain ay may naisagawa na ang hakbang para mapalapit sa kanya. Dakong Alas-dyis na ng lisanin ang tahanan at habang nasa biyahe'y may isang batang babaeng gusgusin ang umakyat at nanghihingi ng limos. Bukod sa marusing ang hitsura nito'y umaalingasaw pa ang amoy kaya di maiwasang magtakip ng ilong pero laking gulat ng bigla itong umawit at sa kabila ng kanyang pananamit ay nakakamamgha ang tinig nito pagkat maganda.

9b-e. Nakuha ako sa mala-international nitong awit kaya binigyan ng pera. May talento siya sa pag-awit pero sayang lamang pagkat hindi pinagkalooban ng magandang buhay. Sa sobrang trapik na halos di na nakakausad, kung malapit na'y napagpasyahang maglakad na lamang. Saktong nandoon na ang lahat ng kagrupo pagkaalpas sa Library at wala ng patumpik-tumpik pang pinuntahan si Sir Jigo. Kainaman pagkat may defense pala ang klase nito, hindi nanaman tuloy makakausap at maghihintay nanaman. Ayaw ko siyang kainisan pero naiinis na ko sa kanya, paano kapag nakikita at lalapitan, sasabihing "Wait lang" tapos inaabot ng oras bago ito bumalik. Batid ko naman na sobrang abala si Sir, kaso sabihin naman niya kung anong oras siya pupwede ng sa gano'y hindi na magmukhang tanga sa kakahintay!

9b-f. Mabuti na lamang at may nakakakwentuhang kakilala kaya hindi nababagot sa kakahintay. Dakong Alas-dos na ng magkaroon ng pagkakataong makausap si Sir Jigo at itinuro ang gagawin. Matapos kausapin ay kaagad namin ginawa ang sinabi ni Sir at humampas ang ginhawa at saya sa kalooban ng matapos iyon sapagkat wala ng poproblemahin pa sa Thesis, iyon nga lamang ay Goodluck sa Defense. Hindi pa ibig umuwi kaya nanatili muna sa Library para magpalamig at kwentuhan. Daming alam na kabalbalan ni Shawn kaya di mapigilang umungis at napapalakas na nga. Pahupa na ang liwanag ng makauwi sa bahay at lupaypay na ang katawan sa gutom kaya agarang lumamon ng husay. Kinagabihan at dahil tapos na sa pasakit na Thesis, tamang relax lang sa panonood ng Telebisyon. Dakong Alas-dyis na ng mapagpasyahang matulog.


89 | 82 Walong pu't dalawang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 05, 2016
Wednesday
Year IV-279

9b-g. Pasikat na ang araw ng magising subalit hirap pang idilat ang mga mata dahil sa namamayaning antok. Kahit inaantok pa, kinailangan ng awatin ang sarili sa kama at mag-almusal. Habang lulan ng Tricycle ay laking taka at gulat kung bakit maraming tao ang nagkukumpulan sa iisang umpukan, iyon pala'y may naganap na aksidente't kawawa ang Mama na nabundol ng Kotse pagkat mangiwi-ngiwi sa sakit at hindi na halos maigalaw ang katawan. Bukod pa roon ay sugatan pa ito. Mabuti na lamang at kahit aanga-anga sa pagtawid, hindi naman nasasagasaan at tunay ngang hindi pinababayaan ng Maykapal sa kabila na hindi madalas na nagsisimba at malabuhangin ang kasalanan. Napaaga ang dating ko sa Paaralan at dahil bukas na rin mag-uulat sa Genetics, sinamantala ang oras para magrepaso. Habang tutok ang mata sa pag-aaral ang biglang paggambala sa akin nina Jhanina at ipinabatid na nakapasok na si Sir Jigo, dali-dali ng tumungo.

9b-h. Sa oras ng Guidance and Counseling, ganadong-ganadong makinig at buhay na buhay pa sapagkat tungkol sa Kababaihan at kabaklaan ang tinalakay sa amin ni Sir. Napakakwela magturo ni Sir kaya maya't maya ang halakhakan at pinasaya niya ang araw ko. Matapos magturo, nagpangkat-pangkat na kami para pagpulungan ang gagawin sa Guidance Program sa susunod na Linggo. Hindi naman nagtagal ang pag-uusap kaya kaagad ding umalis. Dama na ang pamimipi ng Sikmura sa gutom kaya nakisabay na kila Mika sa pagkain. Napasarap at saya ang kwentuhan ko sa kanila kaya di namamalayan ang oras at kailangan ng pumasok sa silid. Pagkatungo, laking taka kung bakit mangilan-ngilang kamag-aral lamang ang naroroon, iyon pala'y nagsialisan na ang iba pagkat hindi muli makakapasok si Sir Ronan. Katamad talaga ng gurong iyon at di hamak na mas maraming Absent kaysa sa akin.

9b-i. Binabalak na tuloy umuwi sapagkat batid ng isip na baka hindi rin ito pumasok sa susunod na klase pero pinigilan nila Charice. Nahihiya ako pagkat ng Lunes na hindi nakadalo sa klase ng Education 3 ay nagawa pala nilang isulat ang pangalan ko sa Attendance. Hindi ko akalain na pagmamalasakitan nila ako kaya labis ang panlulubag ng kalooban sa kanila. Maya-maya pa'y dumako na kami sa silid at kainis pagkat maging sa klase ng Education 3 ay hindi rin tuloy. Binalak ng umuwi matapos magsulat sa attendance subalit nanatili muna at nakipagkwentuhan kina Anne Rose. Magkasamang antok at pagod ang namamayani sa buong pagkatao kaya diretso Siyesta pagkauwi at ngayon ko lamang ito ginawa matapos ang buwis buhay na Thesis.  Pagpatak ng hapon at papatakip-silim na, wala pang nalulutong ulam at kalam na husto ang Sikmura.

9b-j. Abala-abala si Ina sa pagnenegosyo at wala naman akong ibang inaatupag kaya naisipang magluto kahit hindi bihasa. Kahit paano'y nagustuhan naman nila ang lutong ulam ko. Kinagabihan, nakakabingi't irita pa ang ingay mula sa labas at tila ayaw nilang magpatulog. Hindi pa madalaw ng antok kaya tamang kinig muli ng Love Song at kahit never ko pang maranasan ang makipagrelasyon kung nagawa namang umibig ang Puso'y nakaka-relate pa rin at alam mo ang sakit. Alam kong walang taong umiibig at pumapasok sa pakikipagrelasyon ang hindi nasasaktan kaya sana'y maging matatag ako para kaharapin ang sakit kung sakaling dumating ang panahon iyon. 


88 | 81 Walong pu't isang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 06, 2016
Thursday

Year IV-280

9b-k. Sa kasibaang matulog na halos hindi maawat ang Mata sa pagpikit ay tinanghali muli ng gising, ang resulta'y nahuli muli ng dating sa Paaralan. Namamahiya pa naman si Ma'am Ria sa mga estudyanteng pahulihin at di ko kayang kaharapin siya kaya napagpasyahang huwag ng tumuloy sa klase ng Group Dynamics. Ngayong araw na ang pag-uulat sa Genetics kaya walang ibang ginawa ng mga oras na iyon kundi maghanda. Mag-isa akong nagtungo sa Canteen at inabangan sina Anne Rose, makaraan ang halos isang oras, sa wakas at dumating na sila at may kasama na rin ako. Umiral muli ang pagiging madaldal ko't iwas pa sa pagkapanis ng laway. Pagpatak ng Alas-dyis y Medya, kasama sina Limboc ay lumakad na kami ng Silid. Sa oras ng Genetics, walang ibang ginawa kundi mag-ulat at tila sinisilaban ang Pwet sa kaba sapagkat napipinto na ang pag-uulat.

9b-l. Biglang langit ang pakiramdam ko nang si Jed ang mag-ulat at may kalamyaan dahil mahinahon, ang tindi ng kanyang Charm kapag tinititigan at kinikilig ako. Tuloy ay hindi maiwasan ang sarili na batuhin siya ng katanungan para magpapansin lamang. Kinapos na sa oras kaya laking tuwa sapagkat sa susunod na pagkikita pa mag-uulat. Inatake nanaman ng katamaran sa aking sarili kaya di na dumalo pa sa klase ng Physics at nakisama kina Mara. Habang kasama sila'y palitan muli ng kuro-kuro at daming alam na kalokohan at kalibugan itong si Limboc. Hindi ko malaman kung anong dapat maramdaman, kung mandidiri ba o kikiligin habang tinuturuan ni Limboc kung anong dapat gawin sa Crush ko. Bente anyos na ko at Psychology pa man din kaya nagingopen at nagpaka-mature sa sinasabi niya.

9b-m. Kinalaunan ay tawa na lamang ng tawa at asa naman ako na mangyayari sa aming dalawa iyon. Nang pumasok na si Mara ay nagpaalam na sa kanila at umuwi. Walang matinong gawin sa bahay kaya matapos maghugas ng mga plato'y naisipang magtungo sa Computer shop. Kainamang computer shop ang naupahan at lalabasan ka ng usok sa Mata at Teynga pagkat ikaiirita ang mabagal na Internet. Walang ginawa kundi pahabain ang pasensiya at kundi lamang mapagtimpi, matagal ko ng binasag ang PC. Inabot na ko ng gabi sa pagkukumpyuter at pagkalabas, minamalas nga naman ng lagay pagkat umuulan pala at hindi nakapagdala ng Payong.

9b-n. Hinintay ko munang tumila ang ulan pero tatlumpung minuto na ang nakakaraan, parang hindi humihina. Mukhang walang nangyayari kung mananatili pa ko kaya kahit may kalakasan ang ulan ay buo na ang loob na suungin iyon. Mabuti na lamang at may kakilalang nagpasakay sa akin kaya di naman mistulang basang sisiw ng umuwi. Hindi pa madalaw ng antok kaya nagbasa-basa ako ng mga Jokes. Halos kabagan ang Sikmura sa kakatawa't mistulan ng tinakasan ng bait. Medyo nahumaling at naaliw ako sa pagbabasa ng kwentong kabalbalan kaya di namalayang Alas-onse na at kinailangan ng matulog. Laughter is the best medicine talaga at lumalakas ako kapag tumatawa.


87 | 80 Walongpung araw at tulog na lamang, Pasko na.


October 07, 2016
Friday
Year IV-281

9b-o. Masaya ako dahil walang pasok pero kinakabahan dahil bukas na ko mag-uulat at sa Lunes na ang aming Final Defense. Kahit maraming bagay ang nakaamba na nagbibigay kaba sa dibdib ay kakayaning kaharapin basta nandiyan parati ang Maykapal na anumang oras na kailanganin mo siya ay handang tumulong. Inabutan na ng liwanag sa paggising at kay sigla muli ng umaga ko. Pagkaalmusa'y diretso agad sa pagtitinda. Habang abala sa pagtitinda at wala naman gaanong bumibili kaya sinamantala ang oras para pag-aralan ang report sa Genetics. Sumunod ay paglilinis ng bahay ang inatupag ko. Masyadong matrabaho ang aking ginawa kaya magkandaubos ang lakas at napagod. Balak sanang maglaba ngayon kaso kailangan munang lamnan ang kumakalam na Sikmura. Matapos mananghalian, saka lamang naglaba-laba.

9b-p. Kung kailan patapos at magsasampay na'y minamalas muli ng lagay pagkat nagbabadyang umulan. Hindi muna ako nagsampay sa takot na mabasa kapag bumuhos ang ulan. Tila nanloloko ang panahon pagkat maaliwalas kanina lamang at pwedeng magbilad pero ibang-iba ngayon na malaunos sa lakas. Umigi-igi naman ang lagay ng panahon pagpatak ng hapon at dahil nababagot manatili sa bahay, naisipang magkumpyuter. Medyo nahumaling sa pagkukumpyuter kaya di namalayang nakakadalawang oras na sa pag-upa. Wala pang balak umuwi kaya tumungo ako kina Angelica subalit walang sumasagot ng ako'y kumatok, sa bahay na lamang ng isang kaibigang si Cathy na nagtungo.

9b-q. Abala ito sa paggawa ng assignment ng aking datnan at sa apat na buwan na hindi nakakadalaw sa kanila, kamustahan at marami-rami kaming bagay na napagkwentuhan. Ito namang si Ate Ging, wala pa ring pagbabago't siya yung taong ayaw magpatalo. Gusto ko sanang depensahan ang sinasabi nito pero itinikom na lamang ang bibig at hinayaan siyang maglahad ng opinyon at baka masira ang aming pagsasamahan, isa pa'y wala ako sa sariling bahay para makipagtalo. Ang sa akin lang ay di ako sang-ayon sa mga sinasabi niya't parang siya pa ang mas marunong, sarili ko naman itong buhay. Naging mainit pa rin ang pakikitungo ko kahit ganon ang nanay ni Cathy. Napasarap at saya ang pananatili sa kanila kaya inabot na ng gabi sa pag-uwi. Swerte't hindi naman nakatikim ng pagbubunganga ni ina pagkauwi at sana parati siyang ganoon na tahimik at iniintindi ang aking pagka-mature. Hinintay ko munang makaramdam ng antok sa mga Mata bago mapagpasyahang matulog.


86 | 79 Pitong pu't siyam na araw na lamang, Pasko na.
       

October 08, 2016
Saturday
Year IV-282

9b-r. May kabang patuloy na hinahataw ang dibdib sapagkat ngayon na ang pag-uulat sa Genetics at iyon ay tuloy na tuloy na. Dakong Alas-otso na ng makaalpas ang nagkikinisang mga Yapak sa paaralan at pagkatungo ng silid, hindi ko nadatnan ang mga kamag-aral maging si Ma'am Ria, hinanap ko pa sila. Mabuti na lamang at nakasama ko si Bessa Cruz at sinamahan niya ko sa paghahanap hanggang kinalauna'y nasumpungan ko rin kung saan ang klase ng Group Dynamics. Napalaki ang buka ng Bibig sa gulat ng ipabatid na nagku-quiz sila't kainaman dahil hindi nakapagrepaso. Iyon pala'y gagawa ka lamang ng sanaysay tungkol sa naging karanasan mo habang nagko-conductng palaro't napagtanto ko na ang dali lang ng quiz. Mapapasabak nanaman sa pag-i-English at kahit Nosebleed na'y go pa rin ako. Ilang sandali pa'y natapos rin ang pagsusulat ng essay.

9b-s. Bahagya lamang nainis kay Limboc, paano'y ni-request ba naman niya kay Ma'am Ria na isa-isang basahin ang gawa namin. Sina Anne Rose naman, nag-uumapaw na ang high blood sa katawan dahil sa pagiging pabida ni Limboc. Mabuti na lamang at time na kaya hindi na itinuloy pa ni Ma'am para basahin ang aming gawa at kinabahan talaga ako dun. Kalam na kalam na ang Sikmura kaya nakisama muna sa kanila para kumain. Maya-maya pa'y nagtungo na kami ng silid. Sa oras ng Genetics ay nagkaaberya lamang dahil di agad naipasok ang LCD Projector, hindi tuloy agad nakapagsimula ang pag-uulat. Habang hinihintay dumating ang projector ay nagtsek muna kami ng mga hand-out.  Saka lamang nakapagsimula ang pag-uulat ng maipasok ang Projector at todo-todo na ang paghahanda na aking ginawa habang hindi pa nakasalang. Sa haba at dami ng iniulat ng ilang kamag-aral na kinain ng kinain ang oras kaya hindi muli nakapag-ulat.

9b-t. Nasasayangan lamang ako sapagkat inaral ko na ang iuulat at handang-handa na rin, kaso hindi pala matutuloy ngayon. Sa oras naman ng Physics, nagkaroon kami ng mahabang pagsusulit at dahil hindi nakapagrepaso at walang alam, umiral nanaman ang pagiging kopyador. Ikakasira ng 'yong tuktok kapag inuunawa ang mga Word Problem at hindi alam kung paano i-solve. Kalbaryo man ito sa utak ay hindi ko na sineryoso pa. Lundugan kami sa tuwa ng ianunsyo ni Ma'am Pebenito na take home quiz na lamang iyon. Kung kailan pauwi na, nadiskubre kong kakarampot na lamang ang natirang pera sa pitaka at kulang na kulang sa pamasahe, kinapalan na ang mukhang mangutang sa kamag-aral. Mabuti na lang at may kamag-aral na busilak ang kalooban na si Kathleen kaya mas maaga pa sa Alas-kwatro ang pagpapautang nito sa akin.

9b-u. Magkahalong tuwa at hiya ang nararanasan ng panahong iyon. Kinagabihan at dahil nakakabato kung nakatunganga lamang, nilibang ang sariling manood ng Telebisyon. Habang tinutunghayan ang kwento sa Magpakailanman ay di maiwasang tayuan ng balahibo sa takot pagkat hindi sila tinatantanan ng mga Duwende at patuloy na ginagambala. Hanggang sa malaman ng bida ang tunay nilang pakay at iyon ay manggamot. Nakakapanggamot nga siya, ang problema'y nawawalan na ng panahon para sa pamilya at naging napakasalimuot ang buhay niya bukod sa nakakakilabot. Sa Lunes na ang aming Final Defense at bilang paghahanda'y hindi muna ako natulog at binasa at pinag-aralan ang gawang Thesis. Lugmok na ang mga mata sa antok kaya di na natuloy pa ang pagpupuyat.


85 | 78 Pitong pu't walong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 09, 2016
Sunday
Year IV-283

9b-v. Sa sarap ng tulog at ganda pa ng napaginipan, sumapit na ang Alas-otso ng magising at bumangon. Pagkabango'y daglian akong namalantsa ng mga Uniporme. Sa dami ng dapat plantsahin, mukhang tatamarin ka at iisiping nakakapagod subalit dahil ganda ng awitin mula sa tugtog, nagiging ganado sa ginagawa't kakayaning tapusin. Bukod sa nakakapanggana'y tila sumisigla din ang araw. Dumaan ang isang oras ng matapos ako sa pamamalantsa. Medyo sinisipag pa ng lagay kaya matapos mamalantsa, gawaing bahay naman ang sunod na napagkaabalahan at pampalipas oras na rin. Sa dami ng ginawa ngayong umaga, gutom muli ang kinahinatnan. Hindi ko malaman sa sarili kung bakit magugutumin.

9b-w. Matapos mananghalian ay nagrepaso ako ng Thesis. Sarili naming gawa subalit bakit ganon at hindi pumapasok sa utak ang binabasa, tila nabablangko, lalo tuloy akong kinakabahan at huwag sanang matameme't utal kapag sasalang na sa Final Defense. Kinahapunan at dahil Linggo, naisipan kong magsimba at para ipagdasal na rin ang aming mga sarili na haharap bukas sa Final defense. Alam kong seryosong bagay iyon at hindi basta-basta dahil doon nakasasalalay ang ikakapasa kaya matapos ang misa, nagtirik ako ng kandila't mataimtim na nanalangin. Tiwala naman ako na tutulungan at hindi pababayaan ng Diyos kaya mataas ang kumpiyansang malalampasan ito. Matapos magsimba at sa halip na umuwi, tumungo pa ko kila Angelica.

9b-x. Saktong naroroon naman ito ng datnan ko't non-stop muli kami sa kwentuhan magkaibigan. Kahit may katagalan na mula ng huli akong gumawi sa kanila'y natutuwa ako dahil di nito ibinaon sa limot ang aming napagsamahan at mainit na mainit pa ang pakikitungo. Napasarap ang pananatili sa kanila kaya inabot na ng gabi sa pag-uwi. Nagsimba na ko't humingi na ng tulong sa Maykapal subalit parang tintang hindi mawala ang kaba't pasidhi pa ng pasidhi habang umiikli ang oras bago ang Final Defense. Nangangamba talaga ako sa maaaring mangyari bukas pero kailangan kong maging handa at magpakatibay dahil kapalaran iyon na kailangang kaharapin. Diyos na ang bahala sa amin bukas at nawa'y maging matagumpay ang pagdaraos niyon.


84 | 77 Pitong pu't pitong araw na lamang at Pasko na. Basta-basta sama-sama't nandiyan ang Maykapal, gaanoman kaseryoso ang isang bagay ay makakayang lampasan.


October 10, 2016
Monday
Year IV-284

9b-y. Magkasamang pananabik at kaba agad ang siyang sumalubong sa aking paggising sapagkat ngayong araw na gaganapin ang aming Final defense. Bukod sa dinudumog ng kaba, gastos pa dahil mag-a-ambagan pa pampakain sa mga panelista. Ngayon ko lamang napagtanto na napakagastos ng thesis, mas magastos pa sa pang-araw-araw naming pangangailangan at pampagamot dahil bukod sa pagpapalimbag ng mga sulatin, gagastos pa para pakainin ang mga panel at tama si Peter, bakit kailangan pang i-pressure ang mga estudyante sa pinansyal na pangangailangan, samantalang hindi lahat na nag-aaral sa Our Lady of Fatima University ay mayayaman at karamihan pa nga'y sa Scholarship kumakait. Hindi ko sa minamaliit ang School namin pero iyon talaga ang totoo't kung iisipin, parang hindi masasabing makaturangan iyon, tapos babagsak ka pa kapag hindi nila nagustuhan ang gawa mo sa kabila na limpak-limpak ang ginastos mo. Hindi man lamang nila inisip, na hindi lang sila ang pagkakagastusan, marami pa.

9b-z. Alam kong walang karapatang magreklamo dahil estudyante subalit hinding-hindi matatanggap ng loob kung bumagsak pa. Akala naman kasi nila, rich kid kaming mga estudyante. Bago pumasok, inihanda ko na ang mga gagamitin at isusuot sa aming final defense at hiling lamang na maging matagumpay ito. Saktong wala pa si Sir Jigo pagkarating ng paaralan at habang wala pa ito, nag-usap-usap kaming magkakagrupo para sa isasagawang Guidance program ngayon. Pagkapasok niSir Jigo, saka lamang nagsimula ang aming Guidance Program. Nagkaroon muna ng Ice breaker at kami ni Jovie ang namahala dun. Nang Main game na, mistulang sinasalubong ang Bagong Taon pagkat napakaingay ng buong silid ng magputukan ng mga lobo ang aming mga participants at nakakatawa ang bawat kaganapan at nagkakagulo na. Sa huli, si Vladimir ang natira at nanalo at mukhang nakatulong ang pagtulak sa kanya habang nakikipagsagupaan kay Abella.

9c-a. Matapos ay lecture at bago ang dismissal time ay naghayag muna ng komento si Sir Jigo. Habang nagsasalita'y nakaw titig sa kanya't halos hindi na nga kumurap ang mata. Sa oras naman ng Social Psychology, hindi nanaman pumasok si Sir Ronan sa klase kaya minabuting umalis na lang at puntahan ang mga kagrupo sa Library. Sila Limboc pa lamang ang nadnat at wala pa sina Ella na aking kagrupo. Maya-maya pa'y dumating na sila't kahit hindi pa nagsisimula ang Final defense ay matindi na ang kaba sa dibdib kaya ng wala iba pang ginawa kundi maghanda. Pagpatak ng Alas-dose'y nagbihis-bihis na kami't animoy mga Professor o Reporter sa mga kasuotan. Habang hindi pa natatawag at naghihintay ay tamang kuhaan lamang kami ng litrato.

9c-b. Nandoon din si Sir Jigo na lapit ng lapit sa amin at ibig sanang makipag-Selfie with him, kaso nahihiya ako. Pagkakataon na sana, pinakawalan pa at nakakainis dahil nagpanaig ako sa hiya. Ilang sandali pa'y tinawag na kami ni Ma'am Joyce. Shock na shock ang kalooban pagkat isa si Sir Barrion sa mga panel bukod kay Ma'am Ria at Sir Jigo kaya lalo pang kinabahan. Habang nagsasalita'y parang tinadyakan ng kaba at takot ng magtanong si Sir Barrion at kwestyonin ang aming Table of data. Nagpaliwanag ako sa kanya. Naging matanong pa ito na animoy nanggigisa at sa sobrang tensyon ko, nagawa ng makipagtalo sa kanya, sa huli talo ako pero hindi na mahalaga iyon sapagkat kaunti lamang ang babaguhin namin. Kahit kailan talaga, bwisit iyan si Sir Barrion at gagawin niya ang lahat para mahirapan kami.

9c-c. Natutuwa ako sa sarili dahil nilakasan ko ang loob, iyon nga lang mukhang nainis sa akin si Sir Jigo dahil nakipagtalo ako. Si Ma'am Ria naman, sa halip na pagalitan ay nakuha pa niya kong hiritan at ibang-iba siya sa inasahan ko pagkat naging palibiro ito. Mistulang napalitan sa trono ang kaba at takot ng ginhawa at kagaanan ng kalooban matapos ang aming defense. Nagpapasalamat ako sa Maykapal dahil siya ang dahilan kung bakit nakaya namin itong lampasan. Nanatili muna kami sa Library at animoy nagdidiwang ang mga mukha ng bawat isa sa saya. Pagpatak ng Alas-kwatro, saka ko lamang napagpasyahang umuwi. Kinagabihan ay Hayahay mood na sa panonood ng Telebisyon matapos ang Stressful thesis at Creepy Final defense. Sa pagod na rin ay hindi na hinintay pang maghating-gabi sa pagtulog.


83 | 76 Pitong pu't anim na araw na lamang, Pasko na.


October 11, 2016
Tuesday

Year IV-285

9c-d. Masaya ako dahil bukod sa walang pasok ngayong araw, nakayang lampasan ang bagay na napakaseryoso't nasubok ang aking katatagan. Natutuhan ko maging matapang sa kabila na napanghihinaan ng loob at iyon ang siyang ipinagpapasalamat ko sa Maykapal. Sana'y magtuloy-tuloy ito upang sa gano'y maging malayo ang mararating. Pagkabangon at dahil nakakabagot kung walang ginagawa, pagtitinda ang inatupag ko. Sumunod ay paglilinis sa loob ng bahay at napakarami muling naimis na kalat ngayong araw. Marahil ay hindi lamang kaming magpapamilya ang nakatira sa bahay maging mga dumi at alikabok pagkat araw-araw kasama. Sa dami ng ginawa, napagod ako't nagutom kaya diretso agad sa pagbanat ng pagkain pagkaluto. Oktobre na at dapat sana'y malamig na subalit kasing init pa rin tuwing Summer ang Tanghaling tapat kaya ng sumapit ang hapon ay biglang kumulimlim at nagbabadyang umulan.

9c-e. May balakin pa naman ngayong hapon at habang hindi pa pumapatak ang ulan, dali-dali ng tumungo sa Computer shop. Kung kailan nasa Computer shop na'y saka bumuhos ang napakalakas na ulan. Sinabayan pa ng nagtatalimang Kidlat at malabombang dagundong ng kulog kaya maya't maya ang aking pagkagulantang at sa takot, parang ibig ng magtago pero hindi magawa. Walang ginawa ng panahon kundi magpakatapang. Gaano man katindi at kagrabe ang hinaharap na unos, basta't may pananalig ay hindi ka hahayaan ng Diyos na masawi. Halos dalawang oras ng umuupa ng Computer subalit wala pa ring puknat ang malakas na buhos ng ulan at kahit may kalakasan pa'y walang takot na sinuong, makauwi lamang.

9c-f. Pagkadako sa may Ison Site lalo na sa Taniman, tumambad ang baha't napakataas nito na abot halos sa Tuhod kaya pahirapan ang kumilos at maaaring matumba't tangayin kung hindi nag-iingat. Ikinagulat ko ang baha samantalang ang mga bata't maging kasing gulang ko, hala ang sige sa pagtatampisaw at ginawa na ngang Swimming Pool, animoy di alintana ang makukuhang mikrobyo. Kahit na ganon katindi ang nakaengkwentrong baha, ligtas pa rin nakarating ng bahay. Ibig pa sanang maglakwatsa pagkat batong-bato pero sadyang napakasungit ng panahon. Mabuti na lamang, humina ang ulan bago magdilim. Kinagabihan, panonood muli ng Telebisyon ang inatupag at matapos ay natulog na.  


82 | 75 Mayroon na lamang Pitong pu't limang araw bago sumapit ang Pasko.


October 12, 2016
Wednesday

Year IV-286

9c-g. Naparam na ang antok sa mga mata kaya kahit papunta pa lamang sa Alas-sais ay bumangon na ko. Naging napakaaliwalas naman ng panahon at sumilip pa nga ang Araw na tila walang nangyari kaya may kaaliwalasan din ang aking pakiramdam at ganadong-ganadong pumasok. Maganda at masaya ang araw ko kaya hiling lamang na huwag itong magbago. Nadagdagan pa ng ganda't saya ang araw ng sa di inaasaha'y nakasabay muli ang taong nilalaman ng puso't isipan, si Sir Jigo. Parang tinadyakan sa kilig ang dibdib ko habang ito'y kasabay at di alam ang sasabihin, hindi ko tuloy mapigilang mahiya at mailang. Kahit na gano'y nag-uumapaw ang tuwa pagkat hindi akalain na mangyayari ang ganong pagkakataon. Napalitan lamang ng pagkadismaya ng tumanggi ito sa gusto ko't lalo tuloy inulan ng hiya. Parang matutunaw na sa hiya na tipong nahihirapan ng harapin siya pero pilit na nilakasan ang loob. Nabigo man ako ngayong araw, marami pang pagkakataon at doon babawi.

9c-h. Pilit kong iwinawaglit sa isipan ang pagtanggi niya sa akin pero bakit ganon at parang naaapektuhan pa rin, parang sinasabi na ayaw niya sa akin. Sa oras ng Guidance and Counseling, pangkat naman nina Abella ang nagpalaro at ng kami ni Tornito ang maglaban, bunuan kaming dalawa't lugi sa kanya dahil ang laki ng katawan. Ipinamalas ko na kung anuman ang taglay na lakas pero di pa rin siya madaig, sa laki ba naman ng braso't walang sinabi ang katawan ko sa laking bulas niya. Sa huli at dahil may pagkakaisa, pangkat namin ang nagwagi pero sa Ice breaker lamang iyon. Lalo pang naging masaya ang buong klase ng Main game na't iyon ay Family Freud, hango sa Television Game Show na Family Feud na huhulaan mo ang mga bagay na nabibilang sa kategoryang ibibigay.

9c-i. Naging masaya't interesado ang laro kaso pangkat nina Nicole ang nagwagi. Bago kami umalis ay nagbigay muna ng komento si Sir Jigo't napalitan ng galak ang kaninang si ako na dismayado ng gawin niya kong example. Sumasaya talaga ang araw ko sa tuwing binabanggit nito ang pangalan ko. Sa oras naman ng Social Psychology at dahil may pansamantalang hahalili raw pagkat wala si Sir Ronan, nanatili muna ako. Tamang kwentuhan lang kina Carissa at Michelle habang hinihintay pumasok ang sinasabing professor subalit wala naman dumating, napagpasyahan ng umalis. Balak ko na sanang umuwi pagkat baka wala nanaman professor maging sa Education 3 subalit aasikasuhin at magpapasa pa kami ng Thesis.

9c-j. Hinanap ko pa sina Anne Rose at pagkapasok ng silid, magkahalong tuwa at kilig pagkat nandoon si Sir Jigo at siya ang humalili kay Sir Ronan sa Education 3. Tingnan nga naman ang araw ko, mukhang binibwenas at makailang ulit na kaming  pinagtatagpo ng pagkakataon, pakiwaring may ibig ipahiwatig. Nagturo lamang ito't sana'y siya na lamang ang Professor namin sa subject na iyon pagkat napakahusay niya't nalilibang ka habang nakikinig, hindi gaya ni Sir Ronan na puro pa-taking notesna wala naman natutuhan. Maya-maya pa'y lumabas na kami't kumain. Matapos kumain at dahil walang magawa, tamang biritan muli kami sa kantahan at nakakaaliw, bukod pa dun ay naipapakitang may ibubuga ka sa kantahan.

9c-k. Nasarapan ako't nagawa na ring magsasayaw-sayaw at di inalintana ang makakakita, basta ang sa akin ay napapasaya ko sila maging ang sarili. Napasarap ang aming kantahan kaya di namamalayan ang paglipas ng oras. Matapos ay tumungo kami ng Library at doon nanatili. Balak na sana ipasa ang Thesis kaso nabatid namin nagpa-panelpala si Ma'am Joyce. Walang magawa kaya pakikipagtalastasan ang inatupag at dahil nawala ng hiya sa sarili, kung sino ang makitang kakilala'y nagagawang kausapin. Maya-maya pa'y napagpasyahan na naming umuwi. Nag-uumapaw ang sigla't saya ang araw na tipong hindi malilimutan at nawa'y maulit pa ito.        


81 | 74 Pitong pu't apat na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 13, 2016
Thursday
Year IV-287

9c-l. Nagniningning na ang liwanag sa labas ng magmulat ang mga Mata kagagaling sa mahimbing na pagtulog. Alas-sais pa lamang pala kaya relax lang sa pagkilos. Saktong sina James (Virrey) pa lamang ang nadatnan pagkatungtong ng yapak sa paaralan at habang lumilipas ang sandali'y unti-unti na kaming nadagdagan kaya ang ingay ay pasidhi na ng pasidhi. Di pa nag-aalmusal kaya binalak namin ni Catherine ang kumain subalit habang naglalakad ay saktong nakasalubong si Ma'am Ria. May inanunsyo lamang siya sa amin at iyon ay ang paggawa ng Portfolio.  Hindi lamang ako makapaniwala pagkat maging sa Group Dynamics ay nambabagsak din si Ma'am Ria. Kadali-dali na lamang ng subject na iyon at wala pang gaanong ginagawa, babagsak ka pa at malas mo nga naman kapag siya ang professor mo.

9c-m. Kahit maaga pa't hindi pa dismissal time, ng wala ng masabi't matsika si Tsikadorang bakla'y pinalabas na kami. Ngayong araw na pala ako mag-uulat sa Genetics at sa kabang tinataglay ng loob, nawala na ang gutom na kanina lang ay namamayani. Sa halip na makisabay sa kanila sa pagkain ay iginugol ang oras para maghanda. Maya-maya pa'y pumasok na kami ng silid. Wala si Ma'am Zandra subalit may humalili naman sa kanya kaya tuloy na tuloy pa rin ang pag-uulat at saktong ako pa ang kauna-unahang mag-uulat ngayong araw kaya doble-doble na ang dala-dalang kaba sa dibdib. Tahasan kong nilakasan ang loob ng simulan ng mag-ulat at dahil napakalimitado ng ibinigay na oras ng pag-uulat at marami pang naghihintay, binilis-bilisan ko't nakaka-pressure.

9c-n. Maya-maya'y biglang sinabi ng ilang kamag-aral na time na't nainis ako dahil napakaapurado nila't di marunong maghintay. Napalitan naman ng tuwa ng palakpakan ako matapos mag-ulat at nakakataba ng loob. Sa oras naman ng Physics, nagkaroon lamang kami ng Seatwork activity. Mapapasabak muli ang utak sa sangkaterbang computation at nakakalito't sakit pa sa ulo. Medyo tinamad-tamad na rin ng lagay kaya sa halip na seryosin ang ginagawa, pakikipagtalastasan ang inatupag. Hindi pa ko umuwi't sinamahan sina Anne Rose na magpasa ng Thesis pero sa muling pagkakataon ay nagpa-panel nanaman si Ma'am Joyce, hinintay pa namin siyang matapos.

9c-o. Habang inaantabayanan si Ma'am, itong sina Anne Rose at Peter, panay ang harutan sa isa't isa, tila hindi mapigilan ang kati sa katawan, napapaisip na tuloy ako kung may something ba sa kanila pagkat ilang araw ng matamis ang pakikipagsuyuan. Nababato ako pero silang dalawa ang nag-alis ng aking pagkabato. Halos dumugin na nga ng guyam ang dalawa nang sandaling iyon. Malapit ng mag-isang oras, hindi pa natatapos sa pagiging panel si Ma'am Joyce at mukhang alanganin kung ngayon kami magpapasa pagkat nakikitang marami pa ang nakipila para sa defense kaya napagpasyahan ko ng magpaalam at umuwi. Kinagabihan, tamang libang lang ng sarili sa panonood ng telebisyon at pagkulwit ng de-hipong Cellphone. Sa pagod na rin dahil maghapong dilat ang mata, kaagad ng tumulog.


80 | 73 Pitong pu't tatlong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 14, 2016
Friday
Year IV-288

9c-p. Salamat sa Diyos at nagising pa ko, binigyan niya ng pagkakataon para mabuhay. Sa araw-araw na ating paggising ay dapat lamang matutong magpasalamat sapagkat napasaiyo muli ang panibagong buhay. Isa pa sa ipinagpapasalamat ko dahil wala muling pasok, magkakaroon ng pagkakataon para gawin ang karapatdapat. Matapos mag-agahan, sinimulan ko ng gawin ang project sa Guidance and Counseling na Guidance Program. Hindi ko inasahan na hindi pala iyon basta-basta't nahihirapan ako. Kahit nasakit na ang bungo sa kakaisip ng isusulat sa Guidance program, nagpatuloy pa rin ako't ginawang inspirasyon ang aming guro. Mabuti na lamang at may pagtingin sa kanya kaya mas lalo pang nagseseryoso't pursigi. Hinalikan na ng gutom ang Sikmura kaya hindi na nagawa pang tapusin. Balak ko sanang ituloy matapos mananghalian, kaso tinamatamad na't pagpe-Facebook at Instagram ang nasa utak at di magawang pigilan ang tukso sa tuwing tatama ang paningin sa Gadget. Kahit halos hindi na makapag-aral pagkat nahuhumaling sa Cellphone ay maigi na rin ang ganito kaysa naman maadik sa droga. Dakong gabi na ng sipagin ako para ipagpatuloy gawin ang Guidance Program. Sadyang hindi talaga ito biro't  kasabay ng paglalim ng gabi ang papasidhi din ng antok sa mga Mata kaya bigo muling matapos ito.


79 | 72 Pitong pu't dalawang araw na lamang bago sumapit ang Pasko. 


October 15, 2016
Saturday
Year IV-289
                
9c-q. May nagbabantang unos subalit nanatili pa ring maaliwalas ang panahon. Malapit ng sumapit ang Alas-siete ng magising at bumangon at kahit anong aga ko sa pagpasok kung matrapik naman sa lansangan, nahuli pa rin ng dating sa Eskwela't saktong naroroon na ang karamihan sa kamag-aral maging si Ma'am Ria. Sa oras na iyon ay wala kaming ibang ginawa kundi asikasuhin ang Portfolio. Habang abala kami sa ginagawa, si Ma'am Ria, biglang nagpamudmod ng Pandesal. Tamang-tama pagkat hindi pa nakakapag-almusal kaso nahihiya ako kaya hindi magawang makisalo. Maya-maya pa'y lumabas na kami't habang magkakasamang naglalakad ay laking tuwa dahil nagkrus muli ang landas namin, iyon nga lang saglit ko lamang siya nasilayan. Kahit hindi nakapag-almusal kung hindi naman nakalam ang Sinapupunan, hindi ako nakisabay sa kanila. Medyo tinatamad na ng lagay at hindi na sana papasok sa klase ng Genetics kaso pinilit ako nila Mara.

9c-r. Wala pa rin si Ma'am Zandra subalit may nagbantay sa amin kaya tuloy na tuloy ang pag-uulat. Habang nag-uulat ang iilang kamag-aral, itong sina Christine Joy at Mara, walang ginawa kundi iugnay kay Jed, lalo tuloy ako nai-inlove sa kanya. Kahit di ko man aminin sa kanila, dahil di mapigilang kiligin ay napaghahalataan na. Nagawa ko pa rin mag-deny kahit nakikita na nila sa 'king mukhang natitipuhan siya. Hindi ko malaman sa sarili kung normal pa ba 'tong nararamdaman pagkat parang ang landi-landi ko. Nagpatuloy ang dalawa sa pambubulyaw sa akin hanggang sa aming paglabas at lalo pang umigting ang kilig sa dibdib nang ako ang magbitbit ng bag ni Jed, kahit bigat na bigat ay di inalintana. Habang panay ang lokohan namin, di napansin nasa likuran na ito.

9c-s. Mukhang nabatid na niya na may gusto ako sa kanya't nakakahiya naman kung malaman niya kaya nagpatuloy ako sa pagtanggi. Kating-kati na talagang umuwi subalit nakita ni Ma'am Pebenito kaya labag man sa kalooban na dumalo sa klase ng Physics ay wala akong magagawa. Nagpasa lamang kami ng Portfolio at matapos ay saka lamang nakauwi. Habang papalapit ang gabi ang unti-unting pagsungit ng panahon dahil sa paparating na Bagyong Karen subalit hindi pa naman gasinong kabagsik. Kinagabihan ng magsimulang maranasan ang pabugso-bugsong hangin at kahit sa bandang Aurora tutumbukin, dama pa rin dito ang bagsik ng bagyo. Kahit na may kalakasan ang dumadaan na unos, nawa'y sa paglampas nito'y hindi ganon kagrabe ang maidulot nitong pinsala't walang makaltasan ng buhay.


78 | 71 Pitong pu't isang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 16, 2016
Sunday
Year IV-290

9c-t. Hindi na gasinong kalakas ang hangin subalit patuloy pa rin bumubuhos ang ulan hanggang sa pagputok ng liwanag. Naging maulan ang umaga kaya medyo tinatamad sa pagbangon at ibig pang matulog ng matagal. Ganap ng sumapit ang Alas-otso at marami pang dapat asikasuhin kaya minarapat ng bumangon. Kahit may kalakasan ang hangin kagabi bitbit ng Bagyong Karen ay pasalamat pa rin dahil hindi napinsala ang aming tahanan at buong-buo pa rin. Unti-unti naman gumanda ang panahon bago magtanghali't gawa na walang ibang inaasikaso, pagtitinda muli ang aking naging pampalipas oras. Sadyang magugutumin ko talaga't kahit paupo-upo lang at di nagamit ng buto'y nakakaranas na ng pagkalam ng Sikmura. Nang maluto ang ulam, tigil muna sa pagtitindi para mananghalian.

9c-u. Pagkapanood sa telebisyon, hindi biro ang dinanas ng taga-Aurora maging ibang probinsya mula sa bagsik ng bagyo't lubhang napaminsala ang mga ari-arian at puno. Tila taon-taon na lamang ay sinusubok tayo ng matitinding unos subalit kahit na ganon ay nanatili pa ring nakatinding ang masang Pilipino't di matataob kahit anumang bagyo ang kaharapin. Para lamang pagsubok ang bagyo na magbibigay ng dagok sa buhay subalit habang nagtatagal ay lumilipas din kaya huwag matakot na kaharapin, bagkus ay paghandaan at manalig sa Diyos. Kinahapunan naman ay naisipan kong magkumpyuter para gawin at tapusin ang Guidance program sa Guidance and Counseling. Habang naglalakad at sa di inaasaha'y bigla na lamang ako binangga ng mga kalalakihang nagmomotorsiklo.

9c-v. Maigi na lamang, di ako nabuwal sa kinatatayuan at di naman ganon kagrabe ang pagkakabangga. Hindi naman sinasadya kaya di ko na kinompronta pa pero nainis ako pagkat ng sa palagay nilang ayos lang sa akin, sa halip na humingi ng paumanhin ay basta-basta na lamang umalis na tila walang nangyari. May mga tao talaga na akala nila, ayos lang ang lahat kaya may lakas na ng loob na gawin ang bagay na hindi karapatdapat at walang pagpapahalaga sa damdamin ng iba. Naghihingalo na ang liwanag ng makabalik ng bahay. Kinagabihan, anong ingay sa labas at saksakan pa kaya hindi maulinig ang pinapanood o sinasabi ng bawat kasamahan. Matapos manuod ng telebisyon at dahil nalalapit nanaman ang aming pagsusulit, nagrepaso ako. Habang tutok ang mata sa pag-aaral, bigla akong nakarinig na may nagsisigawan at tila nagkakagulo na sa labas.

9c-w.  Pagkasilip, may mga lasenggerong nag-amok ng away at di mo malaman kung sino ang nagpapalitan ng lakas dahil tumitindi na ang tensyon at talagang nagkakagulo na. Takot ang nadarama ko ng oras na iyon dahil maari kang madamay at di na sila nahiya na walang magawa kundi mamerwisyo sa lipunan. Humupa naman ang sagupaan ng bawat panig kinalaunan subalit patuloy ang palitan ng maaanghang na salita. Ano na kayang nangyayari sa lugar namin at napapansin ko'y tila dumadalas na ang nagaganap na away, paano'y karamihan dito sa amin ay lango sa alak at sugarol. Kawawa nga naman sila dahil sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay patuloy na sinisira, di lamang kalusugan maging ang buhay sa pagkahumaling sa masamang bisyo. Hindi na tuloy makapagrepaso ng maigi dahil nakatuon ang atensyon sa alitan ng magkakapitbahay. Mugto na ang mata sa antok at malalim na rin ang gabi kaya napagpasyahang ipagpabukas na lamang ang pagsusunog kilay.


77 | 70 Pitong pung araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 17, 2016
Monday
Year IV-291

9c-x. Lunes nanaman at kahit namumugto pa ang Mata dala ng antok ay kailangan ko ng bumangon. Saktong naroroon na ang karamihan sa kamag-aral maging si Sir Jigo pagkatungtong sa paaralan at abalang-abala na sila sa paghahanda ng ipapalaro. Ilang sandali pa ng magsimula ang Ice breaker na pinangunahan ni Marla. Medyo wala sa mood at nanamlay pa na hindi masabi kung bakit kaya nawalan ng ganang sumali sa laro. Maya-maya pa, mistulang party-party na ang klase pagkat binigyan kami ng pagkakataong ipakita't ilabas kung ano ang gusto't nasa loob. Ang kaninang ako na walang kabuhay-buhay, dinaig pa ang taong sinaniban ng pagka-hyper at para kaming tinakasan ng bait sa ginagawa. Kahit na ganon ay masaya't naaaliw ka. Bukas na pala magsisimula ang Final exam at hindi pa nakakakuha ng permit kaya matapos ang klase'y naisipang pumila kaso hindi ko inasahan na ganon kahaba ang pila. Mahaba na nga ang pila, tila hindi sila umuusad sa sobrang kabagalan, paano'y dalawang Window lamang ang bukas sa Accounting Area.

9c-y. Sa puntong iyon ay parang ayaw ko ng pumila subalit ginawa ko pa rin. Hindi na nga halos umuusad ang pila, mainit pa't ikatitigang mo ng husto. Mukhang aabutin ako ng siyam-siyam kung ipagpapatuloy pa ang pila't dama na rin ang gutom sa Tiyan kaya napagpasyahang bukas na lang kumuha ng Permit. Sa oras ng Education 3, wala nanaman pumasok na professor kaya pagkasulat sa attendance, daglian ng umalis. May klase pa sa Experimental Psychology kaya kating-kati man umuwi, nanatili muna kami't inasikaso ang pagpapalimbag sa Thesis. Pagsapit ng Alas-tres, pinuntahan namin ni Anne Rose si Ma'am Joyce sa may faculty para magpasa ng Thesis subalit wala ito ng aming datnan, kinailangan muling maghintay. Nakakainis lang dahil kung kailan kailangan namin siyang makita, saka naman wala. Maging si Anne Rose ay umiinit na ang ulo't nagagawa na kong taray-tarayan, naiirita man sa kanya, inintindi't pinakisamahan pa rin.

9c-z. Hindi na gasinong kahaba ang pila sa pagkuha ng permit kaya naisipan munang pumila. Wala pang tatlumpung minuto, nakuha ko rin ang permit.  Mukhang malabo na kung hihintayin pa si Ma'am Joyce kaya napagpasyahan ng umuwi. Pagkauwi'y pamamalantsa agad ng uniporme ang aking inatupag. Pagpatak ng gabi't pagkapanood ng balita, hindi pa man lubusan nakakabangon ang mga lugar na hinagupit ng Bagyong Karen, may pinabagong bagyo nanaman darating at pinangangambahan pang maging Super typhoon bago tumama sa lupa. Mukhang hindi pa natatapos ang kakaharaping pagsubok at sa panahon ngayon ay kailangan igtingan ang pag-iingat at pananalig sa Maykapal upang sa ganon ay walang mapahamak sa kabila na hindi biro ang nagbabantang unos. Hindi madalaw-dalaw ng antok kaya naisipan muling magsunog kilay. Minuto na lang ang bibilangin bago ang hating-gabi ng mapagpasyahang matulog.


76 | 69 Anim na pu't siyam na araw na lamang bago sumapit ang Pasko at nawa'y lumihis ang bagyo.


October 18, 2016
Tuesday

Year IV-292

9d-a. Nagpakita pa rin ang haring araw sa kabila na may nakaambang na hindi birong Bagyong Lawin. Dakong Alas-siete na ng magmulat ang mga mata't diretso agad sa pagrerepaso pagkaalmusal. Pagpatak ng Alas-dyis ng maisipang umalis ng bahay para sa pagpasok. Kahit hindi pa nagsisimula ang pagsusulit, sinamantala ang panahong makapag-aral. Kahit nasa loob ako ng library kung maingay naman ang mga kasamaha'y wala din at hindi makapag-aral ng maigi. Hindi rin pumapasok sa utak kung anuman ang inaaral kaya piniling makipagpalitan na lamang ng kuro-kuro sa halip na magsunogkilay. Maya-maya at kasama si Mara ay tumungo na kami ng silid. Genetics ang una naming pagsusulit ngayong araw at kahit hindi gasinong nakapag-aral kung ginagamit naman ang iyong common sense, naging sisiw lamang ang pagsusulit.

9d-b. Napatagal lang ako ng Problem solving na't halos ikabaliw ng tuktok sa kakaanalisa subalit kaagad din natapos. Bago magsimula ang susunod na pagsusulit ay sinamantala ang panahon para kumain at magrepaso. Kung maraming bagay ang naninirahan sa isipan gaya ng kakaisip sa taong nagbibigay kulay at sigla sa araw mo, nahihirapang isuksok sa utak ang inaaral at bahala na mamaya. Education 3 ang sunod naming pagsusulit at laking gulat at hindi makapaniwala pagkat si Sir Jigo ang aming proctor. Kahit maliit at mababaw ay masasabing parang pinagtatagpo muli kami ng pagkakataon at nag-uumapaw muli ang saya sa loob.

9d-c. Wala ng humpay ang tibok ng dibdib ng oras na iyon at lalo pa itong bumibilis ng lapitan niya ako't parang umiiral ang kaba. Hindi ko ang gagawin habang lumalapit si Sir Jigo para pirmahan ang permit at ang sa akin lang ay para ng matutunaw sa kaba. Hindi ko naaral ang subject na iyon kaya minani-mani na lamang, idagdag pa ang pagkawala ng atensyon pagkat napupunta sa kanya. Matapos ang pagsusulit ay hindi muna ako kaagad na umuwi at hinintay matapos ang mga kaibigan. Habang panay ang bulyawan at kantiyawan ng aking kamag-aral kay Sir Jigo, ito namang si Abella, biglang pinasok ang silid at sinabi niya sa akin na ibubunyag kay Sir Jigo na Crush ko siya.

9d-d. Batid kong nagbibiro lamang ito kaya sinakyan ko't hinamon-hamon siya. Ng tuluyan na siyang pumasok, kinabahan ako kaya nagawa ng lumayo subalit ipinatag ko ang aking loob. Pagkalabas ni Abella't ng sabihing alam na ni Sir Jigo, hindi ako naniwala pero ng lumabas ang ilan kong kamag-aral, sumipa ang magkahalong hiya at kaba ng ipabatid na tinotohanan ni Abella ang sinabi niya sa akin. Napakawalang hiya niya talaga't dapat ay itinikom ko na lamang ang bibig. Kahit batid ng isip na matagal ng alam ni Sir Jigo na may nararamdaman sa kanya, hindi pa rin maiwasang kabahan, lalo na't hindi alam kung ano ang naging reaksyon nito sa sinabi ni Abella. Matapos ang kaganapan na puro kalokohan pero masaya, saka lamang kami umalis. Tumungo muna ako ng Computer shop bago umuwi't madilim-dilim na ng makarating ng bahay.


75 | 68 Anim na pu't walong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 19, 2016
Wednesday

 Year IV-293

9d-e. Napahimbing ang aking tulog kaya maliwaliwanag na sa labas ng magising. Kahit paparating ang Bagyong Lawin na pinangangambahang maging Supertyphoon anumang oras ay hindi pa naman dama ang masungit na panahon, bagkus ay makulimlim lamang. Pagtitinda agad ang aking pinagkaabalahan matapos mag-agahan. Maya-maya, inutusan ako ni Mama na bumili ng Sigarilyo subalit tumanggi ako sapagkat batid ng isip na masama iyon. Nangatwiran sa akin si ina ng ipaliwanag ang dahilan at iyan ang hirap sa mga tao dito sa amin, kung ano pa yung masama't maaring ikapahamak ng kalusugan, iyon pa ang mas tinatangkilik. May hangganan ang lahat ng bagay sa mundo't hindi magtatagal kapag natikman nila ang bunga ng masamang bisyo, magagawa nilang magsisi. Panay ang pagpupumilit ni ina sa akin subalit nagmatigas pa rin ako hanggang sa mauwi sa sagutan.

9d-f. Alam na nga niyang masama ang sigarilyo sa kalusugan, bakit pa kailangang ibenta't naiinis ako na nakokonsensiya kapag nagbebenta ng Sigarilyo at alak pagkat hindi biro ang hirap ng buhay kapag may problema sa Baga. Kapag pinagsasabihan naman na itigil ang paninigarilyo, sila pa ang may ganang sumama ang loob samantalang ang hangarin ko lang ay magmalasakit. Hindi naman nagtagal ang alitan namin ni Mama at nagpatuloy ako sa pagtitinda hanggang sa magtanghali. Hangga't sumisilip pa ang araw paminsan-minsan ay naisipan kong maglaba. Kinagabihan at pagkapanood sa balita, nakakatakot at ikababahala mo ng husto sapagkat ganap ng Supertyphoon ang Bagyong Lawin at maaari ng ihalintulad sa nagdaang Bagyong Yolanda pagkat sadyang napakalakas nito at tiyak na matindi at malawakang pinsala ang aabutin sa mga lugar na tatamaan nito.

9d-g. Bukod pa dun marami ng lugar ang isinailalim sa Storm Warning Signal number 5 gaya ng Cagayan at Isabela, kung saan inaasahang magla-landfallang Bagyo mamayang hatinggabi. Nakakagulat lang dahil ngayon lamang ako nakarinig at nakakita ng Bagyo na binigyan ng PAGASA ng Storm Warning Signal number 5 at mapapaisip ka na lubhang malakas at mapanganib ang Bagyong Lawin. Sa panahon na kinaharap ang matinding delebyo, matinding panalangin ang kailangan upang sa ganon ay walang masamang mangyari sa pagdaan ng Supertyphoon. Diyos na ang bahala sa mga kaanak namin doon sa Cagayan at Ilocos maging sa mga naninirahan doon at nawa'y manatili silang ligtas habang humahagupit ang mala-Yolanda na bagyo.


74 | 67 Anim na pu't pitong araw na lamang bago sumapit ang Pasko at gaanoman kalakas ang unos na magbibigay ng matinding dagok sa buhay, mananatiling nakatindig at tuloy na tuloy pa rin ang Pasko.


October 20, 2016
Thursday

Year IV-294

9d-h. Maaga pa lamang at hindi pa man umaakyat ang Bukangliwayway, nagmulat na ang mata't tuluyan ng nawala ang antok. Kahit sa may bandang Northern Luzon humagupit ang napakalakas na Bagyong Lawin at hindi naman nag-uulan-ulan dito, sinuspinde pa rin ang klase sa lahat ng antas bilang pag-iingat na rin at walang mangyaring pagsisisi sa huli. Matapos mag-almusal at dahil walang pasok sa kabila na umaaraw na, naisipan muling ituon ang oras sa gawaing bahay.  Nang makapagwalis at punas ng sahig, pagtitinda naman ang siyang sunod na inatupag. Pagpatak ng tanghali, naisipan kong manuod ng balita't kahit paalis na ang bagyo, kalunos-lunos naman ang sinapit ng taga-Cagayan at Isabela. Sa lakas ng bagyo, maging naglalakihang mga puno, nakayang pabagsakin, marami ring nakahambalang na mga sanga-sanga't yero at ang nakakapanlumo, maraming kabahayan ang lubhang nawasak.

9d-i. Kaawa-awa ang kanilang ng kalagayan sa kamay ng Supertyphoon pagkat labis na napuruhan at kung ihahambing sa mga taga-Visayas na hinagupit ng BagyongYolanda, hindi nalalayo ang dinanas nila. Kahit napakatindi ng dumaang bagyo, pasalamat pa rin pagkat hindi umabot sa Sampu ang namatay at sana hanggang doon na lang. Nakakatakot isipin na paano kung dito tumama ang ganong kalakas na bagyo, saan kaya kami titira't kakayanin pa bang mabuhay kung halos lahat ng bagay na mayroon ka, nawala na? Kaya labis-labis akong nagpapasalamat sapagkat lumihis ang bagyo sa amin. Sana walang nangyaring masama sa kaanak namin doon pagkat wala pang Contact sa kanila.

9d-j. Damang-dama na talaga ang Climate Change sapagkat dumadalas na ang pagdating ng mga malalakas na bagyo kahit Summer Season pa lang. Kahit madalas hagupitin ng matitinding unos ang bansang Pilipinas, basta may pananalig ay mananatili pa ring nakatindig. Walang magawa at dahil tinamaan ng pagkaantok, naisipan kong mag-beauty rest para still pretty kahit haggard na. Medyo napasarap ang tulog kaya takip-silim na nagising. Maghahapunan na subalit wala pang nalulutong ulam kaya iginugol ang oras sa pagluluto. Pagpatak ng gabi, tamang buhay alamang lang sa panonood ng Telebisyon. Hindi pa madalaw ng antok kaya naisipan pang manuod ng Video at grabe ang itinampok na documentary sa I witness, ito ay tungkol sa mga taong mahilig maglagay ng Tattoo sa katawan at maging mukha, hindi pinalagpas.

9d-k. Ayos lang naman kahit saang parte ng katawan magpalagay ng Tattoo pero yung sa Mukha, sa halip na cool at astig ay nagmumukha ng halimaw.  Lalo pang kinilabutan ng loob ng gawin sa tao ang Body modification kung saan dadaan siya sa matinding hapdi at paso habang isinusulat sa kanyang balat gamit ang nagbabagang bakal ang letrang naisin nito at mapapangiwi ka. Ang nakakahinayang lang sa mga tattoo lover, bakit kailangan pang saktan ang sarili't hindi ba nila alam na sakit ang maaaring idulot ng labis-labis na paglalagay ng Henna Tatto at Body Modification pagkat nai-infect ang dugo na maaaring mauwi sa Cancer at ma-damage ng husto ang balat. Medyo nakakakilabot na kaya parang ayaw ng tapusin.


73 | 66 Anim na pu't anim na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 21, 2016
Friday
Year IV-295

9d-l. Nagniningning na ang liwanag sa labas ng magising. Sa kabila na kakadaan pa lamang ng matinding unos ay balik muli sa aliwalas ang panahon, magandang pagkakataon upang maglaba't libangin ang sarili sa pamamasyal, kahit saanman. Pagkabangon, pagtitinda't gawaing bahay ang aking napagkaabalahan. Dahil may pagsusulit pa kami ngayong araw, dakong Alas-onse na ng mapagpasyahang lisanin ang tahanan. Pagkatungtong ng paaralan, makasunog balat ang dala-dalang init ng araw at aakalaing walang naganap na bagyo. Saktong wala pa ang mga kamag-aral pagkadako ng silid at ginagamit pa ng ibang sumasailalim sa pagsusulit. Ilang sandali pa'y nagsidatingan na sila't umalis naman ang mga gumagamit.

9d-m. Habang wala pang proctor, balak sanang magrepaso, ang problema'y balot sa ingay ang buong silid, tinatamad na rin ako kaya hindi na ginawa pang mag-aral at manatiling magmukmok sa iisang tabi habang kumukulwit ng Cellphone. Biglang parang bulang nawala ang ingay ng dumating ang aming proctor. Physics subject ang pagsusulit namin ngayong araw at kahit hindi nakapagrepaso kung ginagamit ang Common sense at may Stock knowledge pa, naging sisiw lamang ang examination. Doon lamang ako tumagal ng solving na't di pa nakapagdala ng Calculator kaya lihim akong gumamit ng Cellphone, sa takot na mahuli ng proctor. Mabuti na lamang, may kabaitan ang aming proctor at bata-bata pa kaya malayang nakagamit ng Calculator sa Cellphone.  Kaagad ko rin naman natapos ang pagsusulit. Wala na kaming pagsusulit sa Guidance and Counseling dahil Guidance program na ang nagsilbing aming final exam subalit ang nakakainis, may pagsusulit pa sa Social Psychology.

9d-n. Limang oras pa ang hihintayin bago ang pagsusulit sa asignaturang iyon at mga dakong takipsilim na, nakakainip at tinamaan na rin ng katamaran kaya napagpasyahang umalis na lang at kuhain na lang sa special exam. Bago umuwi, naisipan ko muling tumungo ng Computer shop. Iyan ang hirap sa akin, kapag sa bagay na importanteng gawin, tinatamad ako pero sa bagay na nakakaaliw gawin, sinisipag ako. Kung anuman ang kahihinatnan, handa akong panindigan iyon. Pahupa na ang liwanag ng makatungtong sa bahay. Kinagabihan at dahil nababato, nilibang ang sarili sa panonood ng Telebisyon. Dahil mahilig sa puyatan, malalim na ang gabi ng mapagpasyshang ihimlay ang sarili sa kama.


72 | 65 Anim na pu't limang araw na lang bago sumapit ang Pasko.

October 22, 2016
Saturday

Year IV-296

9d-o. Kasing tulin ng hampas ng hangin at pagguhit ng kidlat ang takbo ng panahon pagkat hindi namamalayang nasa huling araw na para sa linggong ito at nasa huling linggo na rin para sa buwang ito. Sa sarap ng tulog, inabutan muli ng pagsikat ng araw sa paggising. Wala muling magawang sa umagang ito kaya mistulan muling katulong sa bahay. Tamang kanta't minsan ay napapasayaw habang abala sa pagwawalis ng sahig at pagpupunas ng kubyertos. Nag-uumapaw na kasiglahan ang dala-dala ng loob kaya makakayang gampanan, gaanoman kabigat. Isa pa'y inspired ako't lalo pang ginaganahan sa ginagawa kapag naiisip siya. Matapos ang gawaing bahay, pagiging labandera naman ang pinagkaabalahan ko.

9d-p. Pagpatak ng tanghali at matapos mananghalian ay balak sanang igala ang makinis na kalis at maglakwatsa kaso lubhang tirik ang haring araw at baka masira ang taglay kong beauty. Kinahapunan at ng mapansing lumililim na'y saka lamang naisipang lumabas. Tumungo ako sa bahay nila Cathy subalit wala ito at sina Ate Ging lamang ang nadatnan, hindi na gasinong nagtagal pa sa kanila. Sumunod ay kina Regine (Miano) na nagtungo ngunit sarado ang kanilang bahay. Minsan na nga lang makasama ang mga kaibigan, napagkaitan pa ng pagkakataon at tila napapaisip ng umuwi subalit di nawalan ng pag-asa. Sa bahay nila Angelicaako sunod na dumako at laking tuwa dahil nandoon ito, non-stop muli kami sa palitan ng kuro-kuro.

9d-q. Biglang nag-iba ang timpla ni Angelica ng dumating si Rachid, itinigil ko muna ang pakikipag-usap sa kanya. Ang nakakabatang kapatid nito ang naging libangan ko't nawili ako sa kanya lalo na ng kumanta, ang cute at pwede ng lumahok sa Singing contest o Singing Show sa Telebisyon. Habang kumakanta ito'y nagawa ng i-record. Inabutan na ko ng gabi sa kanila at medyo lumalala na rin ang pagsama ng loob ni Angelica, ibig ko sana itong kausapin kaso baka mauwi lamang sa bagay na hindi ko nanaisin kaya minabuting umalis na lang.  Nakakaramdam na ng gutom sa Tiyan kaya diretso lamon ako pagdating ng bahay. Hindi ako madaling dalawin ng antok kaya malapit ng lumalim ang gabi ng maisipang matulog.


71 | 64 Anim na pu't apat na araw na lamang bago dumating ang pinakahihintay ng halos lahat sa atin, ang Pasko.


October 23, 2016
Sunday

Year IV-297

9d-r. Naging napakaganda ng napaginipan ko at patungkol pa iyon kay Crush kaya namulat akong may saya sa dibdib at napakakulay ng umga. Sa ganda ng napaginipan, isa na marahil iyon sa di malilimutan at sumasaya ako sa tuwing sasagi sa isipan ang panaginip. Sayang lamang at nagising pa ako, magtatagpo na sana kami at matitikman ang matamis niyang yakap kaso naputol. Sana maulit ang ganong panaginip sa muli kong pagtulog. Marahil ay may ibig ipahiwatig ang panaginip ko't nawa'y maganap sa totoong buhay. Matapos mag-almusal, diretso ako sa gawaing bahay. Nang mapatalsik ang mga alikabok na magdamag na namamayagpag, pagbabantay sa tindahan ang sunod na pinagkaabalahan. Tamang online lang sa Social Media at Stalk na rin sa kanyang account para hindi mabato't maaliw ng husto habang naghihintay ng mamimili.

9d-s. Mapalad ang mga tao na ang bagay na pinapangarap na makamit, agad-agad ay dumarating, samantalang ako ay hanggang pangarap na lamang subalit hindi nawawalan ng pag-asa. Batid kong may tamang panahon para diyan at hihintayin iyon. Piping-pipi na ang bituka sa gutom kaya hindi na nangimi pang kumain pagkaluto't hain ng ulam. Kinahapunan naman, medyo batong-batong manatili sa bahay kaya naisipang magkumpyuter. Balak pa sanang tumungo sa bahay ng kaibigan subalit hindi na natuloy dahil biglang sumungit ang panahon. Pagsapit ng gabi, panonood ng telebisyon ang siya naman inatupag. Sumipa ang habag sa dibdib ng itampok sa Kapuso mo, Jessica Soho ang dalawang Lola na magkapatid at sa kabila na may edad na, nagagawa pa rin maghanap-buhay para may maipangtawid-gutom sa pang-araw-araw.

9d-t. Bukod pa dun ay wala ng kaanak ang tumutulong sa kanila at sila-sila na lamang ang nagdadamayan. Sobrang napukaw ang damdamin ko kaya napaluha na't gustong-gusto silang tulungan. Mabuti na lamang, may isang babaeng nagmalasakit sa dalawang matanda sa pamamagitan ng pagpo-post ng kanilang larawan sa Social Media at doon ay nakuha ang simpatya ng karamihan sa nakakita kaya inulan sila ng tulong. Sa kabila na sukdulan ang kriminalidad sa bansa, marami pa rin ang mabubuting loob at sila ang karapat-dapat na bigyan ng mariwasang buhay, ang mga taong idinadaan sa pagsusumikap para umangat, hindi yung mga taong nanduruga't gumagawa ng masama. Matapos manuod ng Telebisyon, namalantsa pa ko. Dakong Alas-onse na ng maisipang matulog. Darating nanaman ang mahabang gabi para matulog at sana'y matuloy ang naudlod na kaganapan sa aking panaginip.


70 | 63 Anim na pu't tatlong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 24, 2016
Monday

Year IV-298

9d-u. Nagmulat ang aking mga mata na may kagaanan ang loob at pakiwaring langit ang nadarama. Mataas na ang sikat ng araw sa labas ng mapagpasyahang bumangon at matapos lamnan ang Sikmurang magdamag na walang laman, paglilinis muli sa bahay ang inasikaso. Bukod sa pagwawalis at pagpupunas ng sahig, naisipan na ring lapatan ng Floorwax ng sa gano'y kuminis at kumintab. Masiglang-masigla ako ng umagang iyon kaya ganadong-ganado sa paglalampaso at di alintana ang tumatagaktak na pawis. Tila sinisipag ako ngayong araw at iba talaga ang makakayang gawin kapag inspired ka. Sumunod ay pamamahala sa tindahan ang inatupag ko. Habang abala sa pagtitinda'y may isang mamimili ang bigla akong tinataasan ng boses at sinabing kaaway niya raw ako. Labis ang aking pagtataka sa kanyang tinuturan, lalo na't hindi kilala pero kinalaunan, napagtanto na lasing pala ito kaya kung ano-ano ang nasasambit.

9d-v. Humampas tuloy ang matinding kaba sa dibdib at akala ko kung ano. Humupa naman ang pagwawala nito ng kausapin nila Mama. Iyan ang hirap sa mga lango sa alak, hindi na iniisip ang ginagawa kapag nalasing at nakakaperwisyo ang ganong tao. Bukod pa dun ay unti-unti nilang sinisira ang buhay. Akala nila, maiibsan ang dala-dalang problema kapag uminom ng alak, ang di nila batid ay iyon pa ang nagpapalala at dumadagdag sa kanilang problema. Ang dapat sana ngayong araw na pagsisimula ngSemestral break, hindi pa sapagkat may nalalabi pang pagsusulit. Kahit dakong hapon pa ang aking pagsusulit, pagpatak ng Alas-onse ay nilisan na ang tahanan. Tanging si Faye at Limboc pa lamang ang nadadatnan pagkapihit ng yapak sa paaralan. Makaraan ang ilang saglit, dumako na kami ng silid. Naki-sit-in muna ako sa kanila at habang hinihintay dumating ang kanilang proctor para sa Physio Psychology, sa halip na magrepaso'y walang ginawa kundi makipagdaldalan at lokohan, ang resulta'y ang gulo't ingay namin subalit kahit mukhang mga buwang na sa pinaggawgawa'y itinuturing ang araw na ito na masaya.

9d-w. Daglian akong umalis ng pumasok ang Proctor nila at makaraan ang halos dalawang oras na paghihintay, sa wakas at natapos din sila. Pagpatak ng Alas-singko ng magsimula naman ang pag susulit para sa Group Dynamics. Hindi namin mapigilang mapahalakhak ng lakas pagkat napakakwela ng naging proctor at palong-palo ang bawat linyang binibitawan, ang seryosong pagsusulit, nauwi sa tawanan at masaya nanaman ang araw ko. Bukod pa dun ay ang arte niyang magsalita kapag nagsasalita ng English at bigay todo sa kabadingan. Siya si Sir Jon at sana maging professor ito sa susunod na Semester dahil bukod sa nakakatuwa'y pampatanggal stress pa.

9d-x. Mistulan na tuloy comedy bar ang buong silid dahil sa kanya. Hindi ako nakapagrepaso subalit naging sisiw pa rin ang pagsusulit, nawa'y makapasa rin kahit batugang nilalang. Saktong inabot na kami ng gabi pagkalabas. Natutuwa ako dahil sa kabila na mga pagod at hirap na pinagdaanan nitong first semester ay nakayang lampasan. Kay bilis nga naman ng panahon at dadako na sa panibagong semester, panibagong hamon muli sa buhay ang kakaharapin na lubhang mas mabigat subalit kakayanin sa tulong ng Maykapal at sasamahan din pagsusumikap. Namimipi na ang bituka sa gutom kaya pagkauwi'y pagkain agad ang napagdiskitahan. Matapos ay manunuod ng telebisyon at dakong Alas-onse ng mapagpasyahang matulog.        


69 | 62 Anim na pu't dalawang araw na lamang bago sumapit.


October 25, 2016
Tuesday
Year IV-299

9d-y. Pagsisimula ng bakasyong grande kaya ngayon lamang magagawa ang mga bagay na ibig gawin ng sagad-sagaran gaya ng pagbabasa, paglalakwatsa at iba pa na bukod sa nalibang ka, may natutuhan ka pa't panibagong karanasan muli na siyang itatanim sa ala-ala. Medyo napasarap ang aking tulog na tipong hindi na maawat ang sarili kaya tinanghali na ng gising. Dahil bakasyon at walang magawa, naisipan muling magbantay sa tindahan. Sadyang matumal ang bumibili't kung may bumili man, puro tigpipiso ang nabebenta, kawalang gana tuloy. Saka lamang nakapaglibang sa paggamit ng Gadge tmatapos ang obligasyon sa pagtitinda. Pagsapit ng hapon ay sarap sana ng aking Siyesta subalit nasira dahil pumapasok ang ingay sa labas. Mga bata palang naglalaro ng Sipa't habang sila'y pinagmamasdan sumagi bigla sa isipan ang mga sandali nung bata pa ko.

9d-z. Hindi ako bihasa sa paglalaro ng Sipa kaya madalas ay natataya at di makuha ang aliw sa paglalaro niyon dahil nadidismaya pero ngayong nasa hustong edad na'y wala na sa akin kung di marunong sa ganong laro sapagkat di naman iyon mahalaga't makakatulong sa buhay, panglibangan lamang. Medyo naasiwa ako sa ingay na nililikha ng mga naglalaro ng sipa kaya minubuti munang lisanin ang tahanan at magkumpyuter. Matapos umupa sa Computer shop, balak pa sanang magtungo sa bahay ng kaibigan, kaso iniisip ko na marami pang obligasyon na kailangang gampanan sa bahay at dapat ay mas unahin iyon kaysa maglakwatsa, diretso uwi tuloy ako. Pagkagat ng gabi at matapos ang mga gawaing bahay gaya ng pagsasaing, paghuhugas ng mga plato at pagtitinda, ngayon lamang muli magkakaroon ng pagkakataon para libangin ang sarili sa panonood ng telebisyon. Balak pa sanang magpakapuyat at paabutin ng madaling araw subalit mugto na ang mga mata sa antok kaya kinailangan ng matulog.


68 | 61 Anim na pu't isang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 26, 2016
Wednesday

Year IV-300

9e-a. Naging matakaw muli sa pagtulog kaya inabutan muli ng pagputok ng liwanag sa paggising. Sa bilis ng panahon, hindi akalaing Miyerkules na pala. Ilang araw na lamang at magsisimula na ang Enrollment subalit hindi pa pala nakakakuha ng pagsusulit sa Social Psychology at iyon ang aking pinoproblema. Sa kagustuhang may maipangbayad sa pagkuha ng Special exam, nagawa ng mangulimbat ng pera, labag man sa kalooban. Batid kong mali at masama ang ginawa subalit wala ng maisip na iba pang paraan. Patawarin sana ako ng Diyos at hindi naman sana mauuwi sa ganito kung di nagpanaig sa katamaran. Iyan ang hirap sa akin, hindi marunong magtiis at gusto parati'y ginhawa ang mararanasan. Tunay ngang walang maidudulot na kagandahan ang katamaran, dahil nagpanaig sa katamaran, nakagawa ng kasalanan. Pinagsisihan ko talaga ang nagawa't hinayaang maging mahina, nadaig tuloy ng katamaran. Walang gaanong bumibili kaya sinabayan na rin ng gawaing bahay.

9e-b. Habang aligaga sa paglalampaso ng sahig, mapakintab lamang ito'y para na rin naeehersiso't pinagpawisan ng labis. Pakiramdam ko'y lumalakas kapag nagagawang mag-exercise at lalo pang nagiging masigla. Bukod pa dun ay tinulungan ng Exersise ang 'yong dugo na dumaloy ng maayos at pinapatibay ang Immune System. Manlupaypay ako sa tindi ng pagod matapos maglampaso't ehersiso. Habang nagpapahinga'y nagbantay ako sa tindahan. Pagpatak ng hapon at dala na nababagot at napapanis ang laway dala na walang makahuntahan, naisipan muling lumayas. Sa bahay nina Cathy muli naisipang gumawi at saktong kakauwi lamang nina Ate Ging galing eskwela.

9e-c. Hindi ko siya masyadong makausap sapagkat masama ang pakiramdam nito, marunong naman ako makiramdam kaya hinayaan siyang magpahinga. Mabuti na lamang at nandoon sina Jaka at Janna kaya napawi ang pagkabato habang nanatili sa kanila. Sumunod ay kina Angelica ako tumungo. Wala muling puknat ang palitan ng kuro-kuro namin dalawa at pakiramdam ko'y lalo pang napapalapit ang loob sa isa't isa. Maya-maya'y nauwi na sa lokohan at kabaliwan ang ganap habang magkasama kami, kaya naman ang araw ko ay lalo pang sumaya. Sana ay parati na lamang ganito at kahit hinaharap na problema'y nagagawa mo pa ring nguminiti. Inabot na ko ng gabi sa kanila at sa gutom, ulam agad ang hanap pagdating ng bahay. May lakad pa ko kinabukasan kaya hindi na ibinabad ang sarili sa pagpupuyat.


67 | 60 Eksaktong Anim na pung araw na lamang bago ang Pasko.


October 27, 2016
Thursday

Year IV-301

9e-d. Ganap ng sumikat ang araw ng ako ay magising at sa halip na sigla't ginhawa ang sumalubong ay kaba, hindi ko maipaliwanag kung bakit ganito ang nararamdaman. Parang may hindi magandang mangyayari sa araw na ito. Kahit na ganoon ay ipinagsawalang bahala na lamang. Matapos mag-agahan ay kaagad ng naghanda-handa para sa pagtungo sa Unibersidad. Si Mama naman, naging matanong at sa takot na makastigo kapag nalaman niya ang totoo kong pakay, nagawa ng magsinungaling. Tunay ngang makasalanang nilalang ako't nakokonsensiya na sa ginawa. Kung mahinahon lamang siya, malamang ay aaminin ko na pero di ko naman din siya masisisi. Pagkatungo sa paaralan at tingin sa bulletin board, nabatid ko na sa Nobyembre pa ang kuhaan ng Special exam. Lalo pa tuloy umiral ang kaba't iniisip na mukhang magiging alanganin ang tatahaking landas sa pag-aaral, na siyang kagagawan ko.

9e-e. Tumungo pa ko sa Cashier para magbayad ng pang-special exam at sa paglapag ng pera sa Window ay lalo pang binabagabag ng konsensiya, paano'y kinupit lamang iyon at abot langit ang pagsisisi. Hindi ko na maatim pa ang pagkabagabag ng konsensiya't parang nakakabigat ng loob kaya bago umuwi ay nagtungo pa sa Simbahan at tahasang namalikluhod at humingi ng tawad sa maykapal. Sana'y mapatawad pa niya ko sa mga nagawang kasalanan at tatanggapin ng buong-buo kung anuman ang kaakibat na parusa, kung iyon lamang ang paraan para mapatawad niya ko. Inabot na ko ng tanghali ng makarating sa bahay.

9e-f. Pagsapit ng hapon at dahil nababagot muli, naisipang magtungo sa Computer shop. Balak pa sanang dumayo sa bahay ng kaibigan subalit biglang nanakit ang Ngipin at iyon ang pumigil sa naisin. Lalo pang tumindi ang pagsakit ng Ngipin pagsapit ng gabi't maging bungo ko'y apektado rin. Marahil ay iyon na ang kabayaran sa mga nagawa kong kasalanan kaya walang ginawa kundi tiisin ang sakit at nararapat lamang iyon sa akin kung sakaling ganon nga. Animoy may kung anong bagay ang tumutuhog nito ng paulit-ulit at di na halos makapagsalita. Itinulog ko na lamang ang pananakit ng ngipin subalit sa tindi ng sakit, hindi magawang makatulog ng maayos at di mapigilang mapangiwi. Si Mama naman, walang ginawa kundi paulanan ako ng nagbabagang salita.


66 | 59 Limang pu't siyam na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 28, 2016
Friday
Year IV-302

9e-g. Pagkamulat ng mata at sa wakas, naparam parang bula ang pananakit ng ngipin kaya maginhawa pa ring bumangon. Salamat sa Maykapal at kahig batid sa sarili na makasalanang nilalang, hindi niya pinahintulutang may mangyari sa akin na masama sa paglipas ng magdamag. Dahil wala na ang sakit ng ngipin, diretso gawaing bahay muli matapos mag-almusal. Sumunod ay pagtitinda ang siyang inatupag at nakakainis lamang sapagkat sa halip na bumili, nagtutungo sila ng aming tindahan para magpabarya't minsan ay ang lalaki pa, na aabutin sa Limang daan o Isang libo. Tila ginawa nilang Money Changer ang aming tindahan. Wala ring gasinong bumibili kaya para maiwasang mabagot, tamang antabay lamang ng Mata sa Social Media.

9e-h. Maya-maya'y tanghalian na't sa takot na sumakit muli ang ngipin kapag nagalaw ang ugat, ingat-ingat sa pagnguya, hindi ko tuloy makuha angenjoyment sa pagkain at hirap ng ganito. Kahit marubdob ang aking pagnguya'y di naman umatake ang kirot. Pagpatak ng hapon at pagkatingin sa aming School Automate, magkahalong tuwa't pagtataka ang namayani sa kalooban. Natutuwa ako sapagkat naipasa ko ang lahat ng subject subalit nagtataka naman dahil wala pa kong Final Exam sa asignaturang Social Psychology pero pasado din. Kung alam ko lamang na papasa kahit hindi pa nakakakuha ng pagsusulit, di sana'y hindi na lang nagbayad. Sayang din ang ibinayad ko kung di naman mapapakinabangan. Balak ko sanang ipa-refund na lang subalit hindi maaari't ano ba 'to.

9e-i. Kahit na ganoon ay abot sa kanyang kaharian ang pasasalamat sa Maykapal sapagkat naipasa ko lahat! Pagpatak ng gabi at dahil nalalapit nanaman ang araw ng Undas, uso muli ang katatakutan maging pagdagsa ng mga pasahero sa iba't ibang terminal at pantalan. Mabuti pa sila, out of town this coming holiday and they are family altogether samantala kami, dito lamang idinaraos sa bahay ang mga darating na bakasyon gaya ng Pasko, Bagong Taon at Kwaresma. Kailan kaya darating ang panahon na ganoon kami, na namamasyal ng sama-sama? Sana dumating ang panahong iyon at isa iyon sa di malilimutan kapag nangyari iyon.       


65 | 58 Limampu't walong araw na lamang bago sumapit ang Pasko, Pero bago iyan ay idaraos muna ang kapistahan ng mga Santo at mga pumanaw.


October 29, 2016
Saturday
Year IV-303

9e-j. Madaling araw na at himbig na sa pagtulog ang mga kasamahan sa bahay maliban sa akin na hindi pa rin makuha ang masarap na pagtulog, lalo na't patuloy siyang sumasagi sa isipan. Ngayon ko lamang talaga napagtanto na ganun kalakas ang kanyang dating, sa tagal ng panahon na kami ay magkakilala. Akala ko, dalawa silang nasa loob ng puso pero ngayon ay nagbago at nag-iisa na lamang siya. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko't hirap unawain ang pagtibok ng Puso. Excited na tuloy ako para sa darating na pasukan at sana'y maging magkaklase pa rin kami. Gawa na hindi makatulog sa magdamag, tinanghali na ng gising. Pagkalamnan ng kalamnan ay paglalabada agad ang siyang inatupag. Habang aligaga sa pagkukusot ay aksidenteng nasugatan ang daliri. Nahirapan na tuloy sa pagkusot sapagkat iniinda ang hapdi at nagdurugo pa ito subalit nagpatuloy pa rin sa paglalaba.

9e-k. Nang makitang marami ng dugo ang nadanak, minubuting itigil na ang paglalaba't si Mama na ang nagpatuloy. Kahit kailan talaga'y napakadaskol kong nilalang. Pagsapit ng hapon at gawa na batong-bato, gumawi muli ako sa bahay ng kaibigan. Saktong naroroon si Cathy pagkatungo sa kanila at wala muling puknat ang kwentuhan. Habang nanatili sa kanila'y magkahalong pandidiri't hilakbot ang siya kong naramdaman ng matunghayan sa kanilang pinapanood na Imbestigador ang isang lalaki na di umano'y sinapian daw ng demonyo kaya nagawa nito ang karumaldumal na pagpatay sa kanyang Lolo. Bukod sa pinag-uuntog at ng mawalan ng malay, tahasan nitong kinuha ang mga lamang loob at dinikdikan pa ng asin.

9e-l. Parang hayop ang ginawa niyang pagpatay at grabe, tila di ko na gustong manuod. Iyon pala'y may sakit ito sa pag-iisip. Hindi pa natatapos ang lahat at pagkauwi sa bahay ay natunghayan ko naman sa kwento ng Maala-ala mo kaya ang isa muling lalaki na di umano'y nabarang daw ng matandang babaeng kanilang pinatuloy pero kinalaunan ay pinagtabuyan din ayon sa napuntahan nilang albularyo. Kahit saan ito magtungo ay patuloy niyang nakikita ang matandang babae na animoy nagmumulto't patuloy din niyang naririnig ang pagtawag sa kanya na tila hindi pinapatahimik hanggang sa maging agresibo na ito't tuluyang masiraan ng bait.

9e-m. Pagkakonsulta nila sa isang espesyalista, doon nalaman na mayroon pala siyang Paranoid Schizophrenia. Kahit kailan talaga at saang anggulo mo tingnan, magkaibang-magkaiba ang pananaw ng mga taong nasa Spiritual at nasa Medical gaya namin mga Psychology. Pagdating kasi sa usaping Spiritual, may masamang ispirito o demonyo raw ang sumapi sa kanya kaya ganyan ang kinikilos nito pero pagdating naman sa usaping Medical o Siyantipiko, may mental disorder o sa madaling sabi, nababaliw ito't hindi nakukuha sa mga orasyon kundi sa gamot at therapy para ito ay gumaling. Kahit lubhang magkakahiwalay ang pananaw ng Spiritual sa Medical, hindi naman masama kung alin sa mga iyon ang paniniwalaan mo. Damang-dama ko na talaga ang paparating na Undas sapagkat puro katatakutan at gulatan ang narunghayan ngayong araw.


64 | 57 Limampu't pitong araw na lamang bago sumapit ang kapanganakan ng ating panginoon.


October 30, 2016
Sunday
Year IV-304

9e-n. Tuluyan ng sumikat ang haring araw pagkamulat ng mga mata, medyo nakakaramdam pa ng antok, kinailangan ng bumangon. Matapos mag-agahan at dahil maraming ginagawa ang ilaw ng tahanan samantalang wala naman akong gagawin, ako muna ang namahala sa negosyo namin. Sa halip na matuwa ako ah tila nayayamot ang dibdib kapag may bumibili ng Sigarilyo. Hindi ko maipaliwanag sa sarili kung bakit nag-uumapaw ang pagkayamot sa mga taong mahilig manigarilyo, ang sa akin lang ay nilalagay nila sa kapahamakan ang kalusugan sa tuwing ginagawa iyon at dapat ng tigilan. Labag man sa kalooban na pagbentahan sila ng sigarilyo dahil batid ng isip na walang magandang idudulot sa katawan, wala akong magagawa. Bukod sa pagsugpo sa mga gumagamit ng droga ay isa rin dapat sa tutukan ng ating Pangulong Duterte ang tungkol sa Sigarilyo at dapat ay ipagbawal na niya iyon upang sa ganon ay hindi makadagdag sa polusyon at mananatiling malusog ang bawat isa sa atin.

9e-o. Maging mga kabataan na di hamak na mas mura ang edad sa akin, natututo na ring manigarilyo't bihasang-bihasa na nga kung magpausok. Pagtitinda lamang ang siyang iginugol hanggang sa magtanghaling-tapat. Kahit may kataasan sikat ng araw at lubhang makasunog balat ang sinag nito, di naman gasinong dama ang hatid nitong init kung mahangin naman. Pagpatak ng hapon, balak ko sanang tumungo muli sa Recrap at makipagtalastasan, ang kaso'y naudlot pagkat inutusan ako ni Mama na bumili ng ulam. Nakakatakam at napakasarap na swak na swak sa Sikmura kaya mabilis pa sa Alas-kwatro ang pagpayag. Iyon nga lang ay may kamahalan ang ulam at medyo may kalayuan din kaya kailangan pang mamasahe. Pagdating sa bahay at pagkasaing ng kanin, kaagad namin pinagpiyestahan ang binili kong Liempo't sa sarap at idagdag na rin ang gutom, mukhang mapaparami ang lantak. Kahit kulang kami ng isa pagkat wala ang ate, naging masaya pa rin ang aming pagsasalo-salo at sana'y parating ganito, na kahit sa pagkain lang ay nagkakasundo.

9e-p. Pagsapit ng gabi ay nagulat at hindi ako makapaniwala ng matunghayan sa isang palabas na Superhuman ang isang tao na nagtataglay ng pambihirang galing pagdating sa Calendar at may kakayahan itong hulaan kung anong araw ang petsang ibibigay sa kanya ultimo malalayo. Bukod pa dun ay may kakayahan din siyang alamin kung ano ang weather condition ng araw na iyon at nakakabilib. Para kaming magkatulad sapagkat may angking galing din ako pagdating sa Calendar, iyon nga lang ay wala akong kakayahang hulaan ang Weather condition ng araw na ibinibigay sa kanya't bukod pa dun parang hindi ito gumagamit ng kalkulasyon at parang kidlat ang bilis kung ito'y manghula. Hindi ko sinasabi na isa ding Superhuman subalit sa aking nakikita'y may posibilidad na maging gaya din ng mga Superhuman.

9e-q. Nakakatuwa dahil sa kabila na tatanga-tanga't bumababa na ang tingin sa sarili dahil madalas ay nagkakamali, hindi ko akalain na nagtataglay din pala ng angking galing na bibihira lamang taglayin ng isang tao. Nagpapasalamat ako sa Maykapal dahil pinagkalooban niya ko ng ganung abilidad subalit nagsisisi ako dahil sinayang ang panahon para paglinangin iyon at di ko man lang naipakita ng lubos dahil natatakot ako na baka husgahang mayabang. Ngayong napagtanto ko na may pambihirang galing din, nararapat lamang na pagkatiwalaan ang aking sarili. Sobrang na-overwhelm ako ng gabing iyon sa napanood at pakiramdam ko, maabilidad ako. Pangako't kung anuman ang taglay kong kakayahan, hindi hahayahang mawala, bagkus ay paglilinangin pa at gagamitin bilang pampalakas ng loob para harapin ang mga pgsubok. Gagamitin ko ang aking katalinuhan, di upang manlamang at manamantala kundi makatulong sa mga nangangailangan.


63 | 56  Limampu't anim na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.



October 31, 2016
Monday

Year IV-305

9e-r. Huling araw para sa buwang ito at bisperas din ng Undas kaya naman dagsaan muli ang magsisipagdalaw sa Sementeryo kahit bukas pa idaraos ang pista ng mga patay. Tirik na tirik na ang araw sa labas ng ako'y magising. Hindi ko ibig na nakaupo lamang at nakatulala sa kawala kaya naisipan kong asikasuhin ang gawaing bahay. Sinamahan ko na rin ng pag-eehersiso habang aligaga sa pagwawalis kaya pagod ang inabot ng matapos sa gawaing bahay. Sumunod ay pagtitinda naman ang napagkaabalahan hanggang sa magtanghali. Umiral lamang ang pagkaimbyerna ko ng may batang inasar-asar ako habang pinagsasabihang huwag magkalat at sadyang napakabastos ng lumalabas sa bunganga. Sa inis, muntikan ng pagbuhatan ng kamay pero mabuti na lamang at nakontrol ang aking sarili, idinaan na lang sa pananakot ng sa ganon ay tumigil ito. Sino kaya ang magulang nun at kahit na sino ang makasalubong nito ultimo nakakatanda sa kanya'y lakas loob na nagwawalang hiya! Marahil kaya ganoon ang pag-uugali niya dahil pinabayaan ng magulang at kawawa naman ito kung ganon.

9e-s. Kinahapunan at habang patungo ako sa bahay nina Angelica ay bigla na lamang sumambulat sa aking dinadaanan ang isang matandang babae na kung pagmamasdan ay maihahalintulad sa taong may Anorexia Nervosa sapagkat lubhang napakapayat at mistulan ng kalansay ang pangangatawan nito. Kahit na sinong dumaan ay walang mangahas na tulungan ito at itayo mula sa pagkakaupo't ang rusing pa niya kaya abot langit ang pamamayani ng habag sa dibdib. Sa sobrang awa ko, ninais kong tulungan ang matanda at nangahas na itayo siya subalit hindi nito magawang makatayo dahil putok na putok na ang buto sa mga binti nito hanggang sa may dumaan at sinabihang hayaan ko lamang siya.

9e-t. Ibig ko talaga siyang tulungan pero hindi ko alam kung papaano, lalo na't hindi malaman kung sino ang kaanak niya para may magmalasakit sa kanya. Bilang pagmamalasakit ay binigyan ko na lamang ito ng pera at matapos ay umalis. Nang makalayo'y bigla akong nakonsensiya sa ginawa, dapat hindi ko siya iniwan bagkus ay umisip at humanap ng paraan para tulungan ito, pero huli na't marahil ay hindi ako ang tao na makakatulong sa kanya pero kung gayon man, nawa'y may tumulong sa kanya. Magkahalong awa at konsensiya ang naramdaman kaya sa halip na sigla ay hinang-hina akong nakarating kina Angelica. Ang kaninang si ako na lugmok ang mukha sa panghihinayang, napalitan ng tuwa at wala kaming ginawa kundi magrekord ng Video hanggang sa mauwi sa lokohan, mistulan na tuloy tinakasan ng bait sa ginagawa pero ayos lamang basta masaya.

9e-u. Maya-maya at dahil napapanahon ang katatakutan at magsuot ng kasuotang pampatay, naisipan namin lagyan ng make-up ang kanya-kanyang mukha ng pangmulto. Matapos ay mistulan kaming mga multo sa Horror movie na Train to Busan at dinaig pa si Chuckie pagkat ang tsa-tsaka ng mga pagmumukha. Wala kaming ginawa kundi magsindakan at gulatan at ang saya-saya.  Natatawa ako sa sarili dahil saksakan pala sa kapangitan kapag nilapatan ng make-up ng pampatay at kahit mga masasamang loob ay matatakot sa mukha ko. Inabot na ko ng gabi sa kanila na baon-baon ang saya sa pag-uwi. Pagsapit ng gabi ang kabi-kabilang mga bata ang nagti-Treat or trick kaya naman halos maubusan na ng Candy sa tindahan sa kakapamigay. Nanumbalik din sa katahimikan ang kapaligiran bago sumapit ang hatinggabi at grabe, isa ang araw na ito sa di malilimutan pagkat iba't iba ang dumating na pangyayari.    


62 | 55 Limang pu't limang araw na lamang bago sumapit ang Pasko at bukas naman idaraos ang Undas.