Miyerkules, Agosto 31, 2016

44. August 2016 Journal (Day 1309-1339)

August 01, 2016
Monday
Year IV-214

8r-z. Unang araw ng Agosto at nagkataong pumatak pa sa araw ng Lunes kaya ganadong-ganado sa pagpasok. Malapit ng pumatak ang Alas-nuebe ng marating ang paaralan at dahil nahuli muli ng dating, napagpasyahang huwag ng daluhan ang klase sa Guidance and Counseling at tumungo sa library. Isa pa'y hindi pa handang magpakita kay Sir Jigo at nahihiya ako matapos ang nangyari. Habang nasa library, sinamantala ang oras para gawin ang assignment sa Genetics subalit hindi ko natapos pagkat napakadaming kailangang sagutan. Maya-maya pa, dumako na ng silid. Sa oras ng Social Psychology, may pinagawa sa amin si Sir Ronan at iyon ay isusulat sa papel ang pangalan ng kamag-aral na gusto mong utusan at kung ano ang ipapagawa sa kanya. Sobrang nakakaaliw ang naging activity namin at mamatay-matay na sa kakatawa habang pinapanood ang kamag-aral na ginagawa ang nakakatawang bagay maging si Sir Ronan na abot-abot ang halakhak.

8s-a. Umiral nanaman ang kalibugan ni Sir sapagkat pinakekendeng nito sa may pader kapag walang kwenta ang 'yong utos at isa ako sa nakatikim. Napakembot tuloy ng wala sa oras at mabuti na lamang, di mahalay kaya parang wala lang sa kanila. Ganito talaga kapag klase ni Sir Ronan, hindi na nga gaanong nagtuturo, ginagawa niya pa kaming katawa-tawa at pampalipas libog. Pagkatapos ay pinalabas na niya kami. Marahil ay ganun din ang ipapagawa ni Sir sa sumunod na asignatura kaya binabalak ng huwag ng pumasok pero mas nangibabaw ang prinsipyo, pumasok pa rin ako. Sa oras ng Education 3, pinatayo niya kaming lahat at pinagmasahe, matapos ay take-down notes. Sa buong oras ay iyon lamang ang aming iginugol.

8s-b. Mukhang tinamaan ng katamaran sa pagtuturo ang aming guro kaya panay bigay ng gawain. Maya-maya'y breaktime na, magtitipid sana ako subalit hindi na nagawa pa dahil sa tindi ng nararanasang gutom. Pagkatapos kumain at kasama sina Anne Rose ay tumungo kami sa library. Tamang lampungan at tawanan kami magkakasama at sumaya muli ang araw dahil sa kanila at nakakalibang. Lalo pang nadagdagan ang sayang namamayani sa dibdib ng dumating si Jed at nakaakit ang kakisigan nito kung pagmamasdan lalo na kapag nakangiti. Tuloy ay hindi na napigilan pang lumandi't kahit nakalimutang nasa library kami. Napalitan ng inis ang kaninang giliw na giliw kay Jed ng iugnay niya ko kay Sir Barrion at sa mismong harapan pa nito.

8s-c. Nakaramdam ako ng hiya kaya pumasok ng silid. Wala naman akong pakialam kung anong isipin ni Sir Barrion dahil wala akong nararamdaman sa kanya, ang sa akin ay nakakahiya ang ginawa nito. Kahit ginawa ni Jed iyon, hindi ko maipaliwanag at maintindihan kung bakit di magawang magalit sa kanya at parang wala lang. Tinamaan na marahil ako at kasalanan niya, kung di lang madalas biru-biruin at purihin ay di sana hahantong sa ganito ang loob. Natigil ang kanya-kanyang pinagkakalibangan pagkapasok ni Ma'am Joyce at nagturo. Bago mag-uwian, isa-isang ibinigay ni Ma'am ang aming Test paper at pagkatingin, kahit di katayugan ay namayani pa rin ang galak pagkat pasado. Inabot na ko ng gabi ng makarating sa bahay at kaagad na naghapunan. Matapos manuod ng telebisyon, kaagad ng natulog.


August 02, 2016
Tuesday
Year IV-215

8s-d. Tuluyan ng pumutok ang liwanag ng ako'y magising at hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa pagbangon. Parang dugo ang kasiglahan na nanalaytay sa dibdib kaya gawaing bahay agad ang siyang inuna. Mukhang sinapian ng kasipagan ngayon kaya makakayang linisin maging kaibuturan ng sahig. Matapos pagkaabalahan ang gawaing bahay, pagbabantay naman sa tindahan ang sunod na inatupag. Sa dalang ng dating ng mga mamimili, hindi maiwasang mainip sa kahihintay. Maya-maya pa'y sinimulan ko ng asikasuhin ang assignment sa Genetics. Kakatapos lang ng pagkahirap-hirap na pagsusulit, hindi pa natatapos ang kalbaryo sa utak na bubunuin dahil sa Hybrid at ito ay sangkaterba. Sa kaka-solve ng sangkaterbang Hybrid na akala'y nagtatanim ng palay at sa kakahanap ng sagot, magkandapagod na ang mata at sumasakit na.

8s-e. Nakakaramdam na rin gutom sa tiyan kaya itinigil muna ang ginagawa at nananghalian. Naupos na ang kasipagang na kanina pa taglay dahil sa pagod kaya sa halip na ipagpatuloy ang ginagawa, hindi na napigilang mag-siyesta. Pagpatak ng hapon, naisipang magtungo sa Computer shop.  Mairita ako ng labis sa ingay at kulit ng mga paslit na umuupa. Ang rurusing pa nila't kung makapagbitaw ng di magagandang salita, akala'y napabayaan ng magulang kaya lalo pang naiinis. Hindi naman masaway kaya walang ginawa kundi magtiis. Malapit ng sumunggab ang dilim sa kapaligiran ng makarating ng bahay. Kinagabihan, panonood ng telebisyon ang siyang libangan. Sa panahon ngayon, tumataas na ang bilang ng napapatay at patuloy itong nadadagdagan. Maigi sana kung masasamang loob ang nakikitil, kaso napapatay din ang napagkamalan o napagbintangan lamang. Sana'y mag-imbestiga muna ang mga awtoridad sa mga nasasangkot bago alisan ng buhay. Maaga pa magigising bukas kaya kahit wala pa ang antok sa mga mata'y daglian ng natulog.


August 03, 2016
Wednesday

Year IV-216

8s-f. Kasing sarap ng pagkaing mayaman ang naging tulog kaya dakong Alas-sais na ng magising at kaagad ng nag-almusal. May kutob sa aking dibdib na hindi maganda na tila pinipigilang pumasok pero binalewala iyon at pumasok pa rin. Bakit naman kakabahan kung wala namang ginawang kasalanan. Hindi naman ako nahuli ng dating at saktong wala pa si Sir Jigo kaya naging maingay ang buong silid. Sandali lang ang lumipas ng siya ay dumating at kumurot bigla ang kaba ng sabihin ni Sir na ngayon na ibibigay ang resulta ng pagsusulit at isa-isa niya kaming tinawag. Naging suntok na ang kaninang kurot na kabang nadarama ng kanyang tawagin at sa kaba, tila ayaw tingnan ang natamong marka pero nagkaroon ng lakas ng loob kinalaunan at pagkatingin ay labis na ikinalumo pagkat di man lang nakapasa. Preliminary examination pa lamang ito kaya hangga't may pagkakataon ay maaari pang bumawi. Nang maibigay lahat ngtest paper, nabuhayan ng loob sapagkat nagkaroon ng recheck at umaasa sa tiyansang makapasa pero lalo pang nadismaya ng mabawasan pa. Kainis at bakit ang baba ng nakuha sa Guidance and Counseling, samantalang nagrepaso naman.

8s-g. Tuluyan ng napawi ang pagtingin kay Sir Jigo pagkat may iba ng nagpapatibok at paghanga na lamang ang tingin sa kanya kaya hindi naman nahihiya sa nakuhang marka. Sa oras naman ng Social Psychology, isa-isa rin ibinigay ni Sir Ronan ang resulta ng pagsusulit at namayani muli ang pagkadismaya ng matanggap sapagkat hindi nanaman katayugan ang natamong marka. Pagkatapos at sa halip na magturo ay kaagad na niya kaming pinalabas. Medyo tinatamad na ng lagay sapagkat hindi naman nagtuturo si Sir Ronan kaya naisipang huwag ng dumalo sa susunod na klase subalit nakita niya ko't hindi natuloy ang balakin. Sa oras ng Education 3, isa-isa rin ibinigay ni Sir ang resulta ng pagsusulit at matapos ay pinalabas na kami. Nakaka-depress ang nakukuhang marka ngayon pero nararapat lang ito sa akin dahil di naman gasinong nag-aral sa dalawang asignaturang iyon.

8s-h. Ang hindi matanggap ng loob ay ang natamong marka sa Guidance and Counseling at sobrang nakakadismaya. Sa oras naman ng Experimental Psychology, nagturo lamang si Ma'am Joyce at matapos ay nagkaroon kami ng quiz.  Hindi mapigilang kabahan habang nagtsetsek at ipinapasadiyos na sana makapasa subalit hindi nanaman pinalad. Kahit hindi pinapalad ngayong araw at nakakadismaya dahil palagi na lamang bagsak sa kabila ng pagsisikap, nananalig pa rin na darating ang araw na makakalasap ng matataas na marka. Pagkatapos ay binigyan kami ni Ma'am Joyce ng oras para asikasuhin ang Thesis. Paano naman ako makakapagsimula, hindi pumasok ang mga kagrupo ko at di kakayanin ng mag-isa. Sa puntong iyon, nagningas na ang dibdib at kung kailan pinakailangan sila, saka naman wala't parang iniwan sa ere.

8s-i. Nakiusap ako kay Ma'am na kung pwede, sa susunod na pagkikita na lamang magpasa ng Introduction at sa bait nito, pumayag siya. Wala na kong gagawin kaya napagpasyahang umuwi na lang. Saktong bumubuhos ang ulan habang papalabas ng Campus at hindi mapigilang matakot pagkat nagtataliman na ang mga kidlat at nakakayanig ang malakas na kulog. Sa kabila na balisang-balisa na sa takot, nagpakatapang ako't sinuong ang delikadong unos. Pagkababa sa may Sandigangbayan, laking gulat at taka dahil tuyo ang lupa, himala pagkat hindi pala umulan sa amin. Kaagad akong naghapunan pagkauwi't nanood ng telebisyon. Kinagabihan at dahil bukas na ang pasahan ng assignment sa Genetics, iyon ang inasikaso. Naging napakaabala ko't gawa na namamayani na ang antok, bigong matapos ngayon.  


August 04, 2016
Thursday
Year IV-217

8s-j. Tuluyan ng pumutok ang liwanag at nakakasilaw na ang sinag ng araw ng ako'y magising. Hindi pa rin napaparam ang yamot sa dibdib sa mga kagrupo ko sa Experimental Psychology at ayaw masira ang magandang araw na pinagkaloob kapag nasilayan ang kanilang pagmumukha kaya napagpasyahang huwag munang dumalo sa klase ng Group Dynamics. Pagkatungo sa paaralan, naki-sit-in ako sa klase nila Mary at saktong nag-uulat lamang ang mga kamag-aral nito. Makalipas ang isang oras, lumabas na kami at kumain. Ang kaninang ako na tahimik at walang kaimik-imik sa kabila na panay kwentuhan ang kasamahan, naging madada ng masilayan si Jed at heto muli ako na nagpapansin at pakwela sa kanya. Magmistulang kamatis halos ang mukha sa kilig ng purihin niya at lalo pang nahuhulog sa kanya. Sumasaya ang araw ko kapag kabiruin ito't magdilang anghel sa kanyang sinabi.

8s-k. Maya-maya pa, tumungo na ng silid at patuloy ang lokohan at tawanan habang wala pa si Ma'am Zandra. Sa oras ng Genetics, isa-isang ibinigay ni Ma'am ang resulta ng aming pagsusulit kaya ang kaninang kilig sa dibdib, napalitan ng kaba. Pagkatanggap, magkahalong tuwa at dismaya ang naramdaman ko pagkat pasado pero mababa. Ng maibigay lahat, saka lamang nagsimulang mag-checkng assignment. Sa muling pagkakataon, hindi ikinalugod ng dibdib ang naging resulta kaso ayos lamang sapagkat sariling sikap. Mataas nga ang nakuha mo, nangopya ka naman at hindi makakamtan ang lubos na saya kapag nanggaling sa masama at mali ang tinatamasa mo ngayon. Bago umalis ay sinamahan ko muna si Ma'am Zandra sa may Faculty para kuhain ang resulta sa Hybrid Solving.

8s-l. Pagkakita sa resulta, liparin ako sa tuwa pagkat mataas at di akalaing mahahatak pataas ang marka sa Genetics. Matapos ay nagpaalam na kay Ma'am. Mukhang walang balak pumasok sa Physics pagkat hindi pa handang makita sila Anne Rose matapos ang nangyari kahapon subalit tumuloy pa rin at pinaghandaan ang posibilidad na maaaring mangyari kapag nagharap. Pagkakita ko sa kanila, sa yamot ay lakas loob na tinanong at kinompronta. Maiintindihan ko naman kung may Personal Issue sila, dapat nagpasabi man lang sila sa akin ng sa ganon ay hindi na nagmukhang tanga kahapon. Ang pinakaaayawan at kinaiisan ko sa isang tao ay yung di nagsasabi ng dahilan kung bakit hindi sumipot at pinapaasa ka lang sa wala. Sa galit, nagawa ko na silang duru-duruin at muntikan ng magpang-abot subalit hindi nataloy pagkat dumating si Ma'am Pebenito.

8s-m. Nang maliwanagan sa kanilang paliwanag, bumalik sa dating ayos ang pagsasamahan. Sa oras ng Physics, isa-isang ibinigay ni Ma'am ang resulta ng pagsusulit at liparin muli sa tuwa pagkat mataas muli ang natamong marka. Hindi man matataas ang nakukuhang marka sa ibang asignatura at minsan ay bagsak pa, may mga asignatura pa ring nakakuha ng mataas na marka. Nang mabigyan lahat, inasikaso namin kung anong kulang sa Activity. Ang bait talaga ni Ma'am Pebenito at kahit midtermna, binibigyan pa rin ng pagkakataong magpasa kung anong kulang na requirements nung prelim. Hindi pa man dismissal time, pinalabas na kami ni Ma'am. Saktong bumuhos ang ulan habang nasa biyahe kaya basang sisiw nakarating ng bahay at mukhang sisipunin. Pagkabihis, kaagad akong nagpahinga. Kinagabihan, tamang nuod lang ng telebisyon. Hindi pa madalaw-dalaw ng antok kaya naisipang libangin ang sarili sa paglalaro ng gadget. 

August 05, 2016
Friday
Year IV-218

8s-n. Sumapit na ang madaling araw subalit hindi pa rin makuha-kuha ang mahimbing na pagtulog at mukhang magdamag na nakaratay na dilat ang mata. Dahil hindi makatulog kagabi, inabot na ng Alas-otso sa paggising. Walang pasok at nakakatuwa dahil may panahon para pag-ukulan ang mahalagang gawain. Matapos humigop ng kape at sa kagustuhang makabawi, sinimulan na ang assignment sa Genetics. Sa totoo lamang ay hindi biro ang mag-solve ng Hybrid at nakakalito kung paano ang gagawin. Kahit nahihirapan na, nagawa pa ring kayanin pagkat pursigidong tapusin. Tinamad-tamad na ko kaya hindi na tinapos pa at ibig ng pagpahingain ang utak mula sa pag-iisip na halos pigain na. Maya-maya pa at nababagot kapag walang ginagawa, naisipang maglaba. Sa dami ng nilabhan sa sipag ko ba naman ay matinding pagod ang inabot. Mukhang nagmamaktol na ang alaga sa Sinapupunan kaya kinailangan ng imbakan ng pagkain.

8s-o. Kung kailan balak mag-siyesta, sa hindi inaasahan ay biglang nawalan ng kuryente. Nagkataong katirikan pa ng araw kaya tiis-tiis sa init. Sa alinsangan ng panahon, mamutiktik ng husto ang katawan sa pawis at para na ngang naligo. Naibalik naman ang kuryente kinalaunan. Walang magawa kaya pagtitinda ang naisipang mapaglibangan. Habang tutok ang mata sa pamamahala sa tindahan, sa halip na boses ng mamimili'y dagundong ng kulog ang maririnig, marahil ay bubuhos muli ang ulan at umiral bigla ang takot. Natatakot ako kapag sa bahay lamang at walang gaanong kasama kaya kahit hindi balak ang magkumpyuter ngayon, nagtungo ako dun para maibsan ang nararanasang takot. Habang naglalakad ay lalo pang lumakas ang maririnig na kulog na sinamahan pa ng kidlat at iyon ay nakakabingi.

8s-p. Sa dilim ng kalangitan, aakalain mong gabi at may kinakasal na demonyo. Naghihingalo na ang liwanag ng mapagpasyahang umuwi. Wala pa rin humpay ang pagbuhos ng ulan at In fairness, nawala na ang takot ko sa kulog at kidlat at nagagawa ng pagmasdan kahit nakakasunog ang talim nito kapag tinamaan. Ibig ko sanang manuod ng telebisyon kaso hindi magawa dahil sa Thunderstorm. Humupa naman ang ulan kinalaunan at saka lamang nakanuod. Sobrang enganyo at sabik ko sa panunuod ng Ang Probinsyano dahil magtatapatan na ang dalawang Reyna na si Paloma at Ella. Ang ganda ni Coco Martin kapag nagbihis babae't kinabog ng husto si Vice Ganda. Dalawang mag-best friend sa totoong buhay, magpapatalbugan sa kagandahan sa palabas at malamang ay hataw na hataw muli ang ratings ng Ang Probinsyano. Ang saya din maging bakla dahil naipapakita mo kung ano't sino ka ng walang agam-agam. Matapos ay kaagad na kong natulog.


August 06, 2016
Saturday
Year IV-219

8s-q. Saktong maliwanag na sa labas ng ako'y magising at bumangon. Pakiwaring mahuhuli na sa pagpasok kaya dinalian na sa pagkilos. Minalas lamang ng lagay dahil naipit pa sa matinding traffic at mga oras na iyon, nginig na nginig ang buong kasukasuan sa kaba. Sa takot na kastiguhin ni Ma'am Ria at pahiyain, parang ayaw ng tumuloy sa klase ng Group Dynamics subalit ayaw ko ng madagdagan pa ang absent kaya lakas loob na pumasok. Alas-nuebe pasado ng marating ng yapak ang silid at hindi naman naganap ang pangamba't sa halip na ngitngit ay ngiti ang isinalubong sa akin ni Ma'am Ria. Pangkat nina Limboc ang nagpalaro't medyo kumplikado ang games at hindi agad maunawaan ang Mechanics. Lahat sa amin, nakipag-participate pero hindi makapagsimula pagkat marami ang naguguluhan at isa na ko dun. Dahil karamihan sa amin ay lubhang nalilito sa gagawin, nauwi sa pagpupulong at usap bawat grupo ang palaro.

8s-r. Sa tagal ng pag-uusap, kinain na ng kinain ang oras kaya naudlot ang dapat sana ay may palaro. Maging si Ma'am Ria ay naguluhan sa mechanics ng kanilang laro't halatang nabubugnot na. Sa oras ng Genetics, nagtsek lamang kami ng assignment. Hindi ko nanaman ikinagalak ang natamong marka sapagkat may kababaan, hindi ko mapigilang madismaya. Akala ko, makakabawi na, hindi pala subalit hindi masama kung susubukan muli. Matapos ay nagturo pa si Ma'am Zandra at mas humirap pa ang lesson at goodluck ang utak sa sangkatutak na solving. Sa sobrang abala ni Ma'am sa pagtuturo't tutok namin sa pakikinig sa kanya, hindi namamalayan ang oras. Sa oras naman ng Physics, nagkaroon kami ngactivity at iyon ay ihuhulog ang bola mula sa itinakdang palapag ng gusaling aming kalalagyan at irerekord kung anong oras ito bumagsak sa lupa.

8s-s. Habang isinasagawa ang paghuhulog ng bola'y di maiwasang mataranta pagkat napakabilis ng pangyayari't kailangan alerto ka sa pagrerekord para masabayan ang pagbagsak ng bola sa lupa. Sa aming ginagawa'y parang naglalaro lamang ng saluhang bola at nakakaaliw kahit nakakataranta at pagod dahil ilang ulit aakyat. Maya-maya pa'y bumalik na kami ng laboratoryo't doon isinagawa ang pagsagot ng activity. Habang aligaga ang atensyon sa pagkompyut ay binigyan kami ni Ma'am Pebenito ng pagkakataon para masilip kung ano ang grade nitong Prelim. Hindi ko ibig na tingnan ang grade kahit panay na ang pangungulit nina Anne Rose sapagkat ikadidismaya ko lang kapag nakita subalit napalitan ng nag-uumapaw na galak ang kaninang dinadagang kaba ng ipabatid na mataas raw ang nakuha ko.

8s-t. Sa sabik ay daglian kong tiningnan at nakakataba ng puso. Sobrang galak ko ng panahong iyon sapagkat hindi akalaing makakakuha ng ganung marka't lalo pang nagiging pursigido sa pag-aaral. Ilang sandali pa, sa wakas at uwian ko na rin. Tila nagbabadya nanaman bumuhos ang ulan dahil sa naririnig na pagkulog kaya habang hindi pa sumusungit ang panahon, tumungo na ng Computer shop. Saktong kasagsagan ng pagbuhos ng ulan ng makabalik sa bahay at di nanaman makanuod ng telebisyon pagkat kumikidlat. Walang magawa kaya naisipan kong magsulat-sulat ng kung ano-ano. Dakong Alas-onse na ng gabi ng mapagpasyahang matulog.


August 07, 2016
Sunday
Year IV-220

8s-u. Tuluyan ng pumutok ang liwanag pero hindi pa rin magawang bumangon dala ng antok at ibig pang iratay ng tagal sa kama. Alas-otso pasado na pala't tinatamad man ay bumangon pa rin. Kakaibang sigla muli ang namamayani sa dibdib at sana'y magtuloy-tuloy ito para magawang gampanan ang dapat gawin ngayong araw. Matapos magkape, pagbabantay sa tindahan ang inatupag ko. Mukhang lumalakas ang benta ngayon sapagkat maya't maya ang dating ng mamimili. Ilang sandali pa'y biglang inutusan ni Mama para bumili ng paninda. Sa layo ng binili't dami, magkandapagod pagkabalik ng bahay. Sa halip na tuwa ang isukli'y katakot-takot na mura ang natikman kay ina. Hindi kasi siya klaro mag-utos kaya pumalpak tuloy ako't kasalanan niya iyon. Sa kanyang mga sinabi, nawalan na ng ganang magtinda pero nangingibabaw pa rin ang habag at inisip na marami itong ginagawa't walang panahon para maasikaso ang negosyo kaya nagpatuloy pa rin.

8s-v. Hindi ko na lang inintindi pa ang sinabi nito para hindi masakit sa loob. Dakong tanghali na ng itigil ang pagtitinda para mananghalian. Kinahapunan, balak ko sanang lumabas subalit nagbabadya nanaman ang masungit na panahon. Kating-kati man na maglakwatsa'y nagawa pa ring manatili sa loob ng bahay. Walang magawa at para matanggal ang pagkabagot, sinamantala ang panahon sa pamamalantsa. Matapos mamalantsa, takdang aralin naman ang sunod na inasikaso. Sa sobrang abala sa assignment, di namalayang dumidilim na. Pagsapit naman ng gabi, tamang tutok lamang ng mata sa panonood ng telebisyon at kahit paano'y may natutuhan at natutuklasan sa palabas. Tila dumampi lamang sa palad ng saglit ang Weekend at may pasok nanaman kinabukasan.


August 08, 2016
Monday

Year IV-221

8s-w. Lunes na lunes subalit malakas na buhos ng ulan ang bumulaga sa maaga kong paggising. Dama nanaman ang masungit na panahon bunsod ng Hanging Habagat at kagabi pa umuulan. Sa sitwasyong walang patid ang ulan, napapaisip na kung may pasok ba o wala't nakakatamad magkikilos-kilos kapag umuulan. Kahit tinatamad ay nagawa pa ring ihanda ang sarili sa pagpasok. Sadyang napakalakas na ng buhos ng ulan na halos mag-zero visibility na subalit wala pang anunsyo kung suspendido ba ang klase't nakakainip. Parang ayaw ko na talagang pumasok at gusto'y matulog na lamang. Humupa naman ang pag-ulan kinalaunan kaya tuloy pa rin ang klase. Saktong kakapasok pa lamang ng ilang kamag-aral pagkadako sa paaralan, kaya ang buong silid, balot muli sa kaingayan at tila hindi nauubusan ng sasabihin. Wala naman mangahas na kumausap sa akin kaya tamang nakaw lang ng litrato sa mga kamag-aral habang aligaga sa pakikipagdaldalan. Natigil lamang ang kanya-kanyang gawain ng pumasok si Sir Jigo. Sumapak muli ang kaba sa dibdib pagkat nagkaroon kami ng biglaangrecitation at habang hindi pa tinatawag sa kagustuhang makasagot, dali-daling nagrepaso.

8s-x. Ang dadali lamang pala ng katanungin ni Sir at gusto ko, ako ang sasagot pero di magawa. Hindi naman natawag lahat kabilang ako kaya parang natanggalan ng tinik sa dibdib. Tungkol sa Psychoanalytic theory ang itinuro sa amin ni Sir Jigo at habang nagtuturo't kwento, walang ginawa kundi tumawa. Ang galing talaga magpatawa ni Sir at tila dinaig pa nito ang mga batikanong komedyante. Ang kaninang ako na walang-wala sa mood, naging buhay na buhay dahil sa kanya. Social Psychology ang sumunod na asignatura subalit hindi agad pumasok si Sir Ronan. Sa di inaasahan, bigla nangati ang mata ko, marahil ay dinapuan ng Sore Eyes at di mapigil ang daliri na lidlidin hanggang sa mangamatis na ang mata. Ilang sandali pa ng pumasok si Sir Ronan at nagturo.

8s-y. Nahihirapan akong itutok ang mata sa kanya sapagkat patuloy na nangangati. Bago kami lumabas, inabisuhan ako ni Sir na hindi ito makakapasok sa susunod naming klase sapagkat may mahalaga itong meeting.  Kaagad kong ipinabatid sa aking mga kamag-aral na walang klase sa Education 3 pagkakita sa kanila't tila nanalo sa lotto kung maghiyawan sa tuwa. Habang lumilipas ang mga oras medyo lumalala na ang Sore Eyes at sa takot na makahawa, minabuting umuwi na lamang. Kaagad kong pinatakan ng gamot ang mata pagkauwi't matapos ay nagpahinga. Sa dami pa naman ng pagkakataon ay ngayon pa tinamaan ng Sore Eyes kung kailan maraming ginagawa sa eskwela. Malapit ng kumagat ang gabi ng ako'y magising at kahit paano'y nabawasan ang pangangati na mata.  Kinagabihan at dahil nababato, naisipang manuod ng telebisyon. Alanganin masyado ang mata kaya hindi na pinatagal pa ang panunuod at agad ng ipinagpahinga.


August 09, 2016
Tuesday

Year IV-222

8s-z. Tuluyan ng gumaling ang aking mata subalit maulang panahon muli ang sumalubong sa aming paggising. Alas-otso na pala at dahil may lakad ngayong araw, dinalian ko na sa pagkilos. Medyo may kalakasan ang ulan pero tiwalang titila naman ito kaya di mapipigil ang balak. Lumipas ang mga sandali, patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan at napapaisip na kung itutuloy pa ba ang pagtungo sa UST Hospital para magpatingin. Kahit napakasungit na ng panahon at pinipigilan na nila Mama na magtungo roon pagkat alanganin, nagpatuloy pa rin ako. Kahit panay ang buhos ng ulan, hindi naman ito nagdulot ng mga pagbaha, iyon nga lamang ay traffic kaya malapit ng sumapit ang Alas-onse ng makarating sa UST. Wala pang isang oras ng tawagin ng Assistant ni Doctora Dacayan at ako'y nagpa-check-up. Matagal-tagal na rin pala mula ng huling magpa-check-up at tila malaki na ang ipinagbago ng pasilidad at nakakapanibago.

8t-a. Natutuwa naman ako sa Findings ng Doktora sapagkat maayos naman ang kondisyon ng baga maging daanan ng hangin subalit may panibagong gamot siyang inireseta sa akin. Maya-maya, ang kaninang pakay na magpapa-check-up, nauwi sa usapan. Ang bait pala ni Doctora Dacayan at di akalaing kakausapin ako ng ganun, di lamang sa usaping may kinalaman sa kanyang propesyon. Medyo napapasarap ang usapan namin kaya napatagal ako at di na ito dinaldal pa pagkat marami pang pasyenteng nakaabang sa kanya. Wala pa ring patid ang pagbuhos ng ulan pagkalabas at mukhang maghapon ito. Hindi naman gasinong malakas kaya ang lansangan ng Espanya na madalas malubog sa baha tuwing tag-ulan, hindi naman naganap kaya di ako na-stranded.

8t-b. Bago umuwi, tumungo pa ko sa may Ever Gotesco Mall at nananghalian. Dakong Alas-dos na ng makarating sa bahay at sa pagod, kaagad na nagpahinga. Sa ganda ng napaginipan at napasarap ang pagtulog, it was already twilight when I woke up.  Kinagabihan, walang ibang inatupag kundi asikasuhin ang Thesis sa Experimental Psychology at kahit hirap na hirap gumawa pagkat kailangan Formal ang English, I try. Hindi naman ako nagtagal sa paggawa ng Thesis at tamang relax lang sa panonood ng telebisyon matapos ang nakaka-stress na paperworks. Saka lamang napagpasyahang matulog ng dapuan ng antok sa mga mata.   


August 10, 2016
Wednesday
Year IV-223

8t-c. Nananatiling maulan ang panahon dulot ng umaatikabong Hanging Habagat at kahit hanggang High School lamang epektibo ang suspensyon ng klase dito sa Quezon City, hindi na rin ako pumasok. Katamad pumasok at magkikilos-kilos kapag ganitong maulang panahon at gusto parati ay nakaratay sa kama at ibalot ang sarili sa kumot. Dakong Alas-otso na ng mapagpasyahang bumangon at saktong tumila na ang ulan. Matapos mag-agahan, pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko. Walang gaanong bumibili at para di tamaan ng pagkainip, naisipan kong magbasa. Matapos ay gawaing bahay ang sunod na inatupag. Ganito ako kapag walang ibang bagay na pinagkakaabalahan, magtitinda at matapos ay maglilinis sa loob ng bahay. Pagsapit ng hapon at ng iusog ko ang Sliding Door ay aksidente itong naalis sa kinalalagyan at saktong dinali ang Paa ko. Sa lakas ng pagkakatama, mangiwi ako sa sakit at muntikan ng malumpo. Mabuti na lamang at nakakatayo pa subalit nagtamo ng kaunting sugat sa paa. Sa sakit na tila namamaga, mukhang di makakapasok bukas. Pasalamat na lamang ako at hindi napilayan, iyon nga lang ay lalo pang sumasakit kapag inihahakbang. Napakadaskol ko kasi kaya dinadanas ang ganito at walang ibang sisisihin kundi ang sarili.


August 11, 2016
Thursday

Year IV-224

8t-d. Maliwanag na sa labas ng ako'y magising at matapos ang ilang araw na maulang panahon, ngayon lamang sumilip ang Haring araw kaya may Pasok na. Kahit patuloy pa ring iniinda ang pananakit ng Paa dahil sa di inaasahang pangyayari kahapon, nagawa ko pa rin pumasok. Sa sakit, naging pasuray-suray ako sa paglalakad at mistulang matandang uugod-ugod, nagpatuloy pa rin ako sa pagkilos at di na lamang inintindi pa ang sasabihin ng makakakita. Kahit may kabagalan sa pagkilos, hindi naman ako nahuli at saktong wala pa si Ma'am Ria. Habang wala pang guro, sinamantala namin nila Abby ang oras para pag-usapan ang tungkol sa isasagawang palaro. Natigil lamang ang aming pag-uusap ng pumasok si Ma'am at nag-anunsyo. Maya-maya at dahil naudlot ang palaro nina Limboc at hindi na nakapagbigay pa ng papremyo, bigla silang nagpakain sa amin ng Palabok at mistulang may nagdadaos ng kaarawan kung magsalo-salo maging si Ma'am.

8t-e. Habang sarap na sarap sa paglantak ng Palabok, ito namang si James (Virrey), ipinakita ang talento sa pagtugtog ng Violin at nakakabilib na nakakaaliw. Yung mga kamag-aral ko naman, sige sa paghirit sa kanya at kahit anong kanta, nakukuha ng pagtugtog niya ng Violin. Naging masaya at sulit na sulit ang buong oras ng Group Dynamics dahil bukod sa nakalibre sa pagkain, may nagpatugtog pa ng Violin na animoy nasa sikat at susyaling Restaurant. Dahil sa tugtog ng Violin ni James, nakalimutan ko ang pananakit ng Paa. Nabusog ako sa kinaing Palabok kaya hindi na nagawa pang kumain ng Breaktime. Nahihirapan pa ring maglakad dahil sa pananakit ng Paa na tila namamaga pero nagawa pa ring kayanin. Maya-maya pa'y pumasok na kami ng silid.

8t-f. Habang wala pa ang presensiya ni Ma'am Zandra, tamang pakikipagtsikahan lang kay Christine Joy. Samantalang si Jed na katabi lamang namin, panay ang pambabara habang nagkukwento ako. Sa halip na mapikon, di maipaliwanag kung bakit natutuwa't marahil ay sa dahilang napapansin niya ko madalas kahit di bigay effort. Mukhang walang magawa itong si Jed at trip na trip niya ko, hindi na tuloy mapigilan ang sariling makipagbiruan at asaran sa kanya at kinikilig ako. Natigil lang ang lokohan sa isa't isa ng pumasok si Ma'am Zandra at agad na nag-check ng assignment. Hindi pa rin ikinagagalak ng loob ang natamong marka, ang mahalaga'y di itlog. Pagkatapos ay nagturo pa si Ma'am at nakakalito ang panibago naming lesson, hirap makuha.

8t-g. Sa oras naman ng Physics, ipinagpatuloy lamang namin tapusin ang activity. Kahit nandoon ang presensiya ni Ma'am Pebenito, hindi pa rin napigilan ng kamag-aral na mag-ingay, dahilan kung bakit nawawala ang konsentrasyon sa ginagawa. Medyo tinatamad na din at sumasakit na ang bungo sa kaka-compute ng sangkatutak na numero, nakipagtalastasan na rin kay Ate Micah. Kahit kakakilala lamang sa isa't isa, tipong mag-close na kung mag-usap at daming bagay na natutuhan sa kanya. Makaraan ang isang oras, saka lamang nagturo si Ma'am. Ilang sandali pa, sa wakas at dismissal time na rin. Diretso ako sa pahinga pagdating ng yapak sa bahay.     


August 12, 2016
Friday
Year IV-225

8t-h. Ang kahapong maaraw at akala mo'y tapos na, nagkakamali sapagkat naging maulan muli ang panahon. Umaga na pala subalit katamad bumangon at gusto pang ihimlay ang sarili sa kama kapag umuulan. Sumapit na ang Alas-otso kaya kinailangan ng bumangon at nag-almusal. Walang pasok ngayong araw kaya sinamantala ang panahon sa paggawa muli ng assignment sa Genetics. Hindi biro ang sumagot sapagkat nakakalito't di mo malaman kung tama ba ang sagot. Basta lang ako sa pagsagot ng sangkatutak na Hybrid baka sakaling makatsamba. Manakit halos ang tuktok ko sa kakaanalisa ng Word Problem at kakaisip ng isasagot. Sa sobrang abala't dami ng kailangang sagutan, hindi namalayang ilang oras ng nakaupo't tanghaling tapat na. Naging maulan ang buong umaga bunsod ng Hanging Habagat pero humina hanggang sa tumila pagpatak ng hapon.

8t-i. Nakakabatong manatili sa bahay at pakiwaring nabubukbok kaya naisipang lumabas at magkumpyuter. Kung kailan nasa Computer shop na, ang kaninang maliwanag na papawirin, biglang nandilim na animoy gabi. Bubuhos nanaman pala ang ulan. Ilang sandali pa, bumuhos na ang ulan at ito ay napakalakas na sinabayan ng hangin at aakalaing bumabagyo na. Sa lakas ng ulan, umiral ang pangamba sa dibdib, nawala na tuloy ang konsentrasyon sa ginagawa, idagdag pa ang ingay ng mga kasamahang umuupa't aliw na aliw sa ngitngit ng kalikasan. Makaraan ang mahigit sa isang oras, hindi pa rin tumitigil ang malakas ulan, hindi ako agad na umuwi at hinintay na humina ito. Saka lamang kumilos ng bahagyang humina't animoy ilog na ang mga kalsada pagkat umaagos ang tubig.

8t-j. Sa kagustuhang makauwi, kahit may kalakasan ang ulan na sinabayan pa ng hangin, mga pagkidlat at pagkulog ay buong tapang na sinuong ang nananalasa na unos, ang resulta'y mistulang basang sisiw kahit may baong Payong at sapalaran sa akin ang pag-uwi. Pagkaalpas sa may De Gloria, hindi na halos madaanan pagkat mataas na ang baha. Marami ang na-stranded at isa na ko roon at mukhang di makakauwi kung magtuloy-tuloy ang ulan. Mabuti na lamang at tuluyan ng humina't ng bahagyang bumaba ang baha't makakaya ng suongin, walang takot at pandidiring sinuong kahit inaanod na ang mga basura't dumi ng tao't milyong-milyong Mikrobyo ang nagbabantang manalakay. Mahina na ang ulan subalit nakakagulantang pa rin ang Pagkulog at Pagkidlat kaya di maiwasang masindak habang papauwi. Salamat sa maykapal dahil sa kabila niyon, hindi niya ko pinabayaan at ligtas na nakarating ng bahay. Maging sa pagsapit ng gabi, hindi pa rin kami tinantanan ng malakas na buhos ng ulan at mukhang magdamag pa.


August 13, 2016
Saturday
Year IV-226

8t-k. Magdamag na inulan ang Metro Manila, ang resulta'y suspendido muli ang mga klase dahil sa masungit na panahon. Walang pasok kaya hindi  naging maaga ang aking paggising. Sumapit na ang ikapito ng maaga subalit animo'y madaling araw pa lamang sa dilim ng kalangitan na tila nagluluksa't halos wala ng puknat ang buhos ng ulan. Hindi naman makalabas ng bahay sapagkat patuloy ang pag-ulan kaya iginugol ko ang mga oras sa pamamahala sa tindahan. Kasabay ng pagsungit ng panahon ay naging matumal rin ang bumibili. Pagpatak ng tanghali, doon namin naranasan ang malalakas na buhos ng ulan at aakalaing hinahagupit na ng Bagyo kahit Habagat lamang ito. Sinabayan pa ng pagkulog at kidlat kaya umiral muli ang sindak sa dibdib. Sa takot, nagawa ko ng magtago sa banyo.

8t-l. Saka lamang lumabas ng humupa ang malaunos na panahon. Pagkapanood sa balita, marami ng lugar ang nalubog sa baha't ang ilan, bubong na lamang ang lumilitaw. Hindi na bago ang ganitong sitwasyon tuwing hinahambalos tayo ng malalakas na ulan at madalas ay may nasasawi pa. Dalangin lamang na tumila na ang ulan at huwag sanang matulad noong Bagyong Ondoy na kung saan nagpapanik na kami na itaas ang mga kagamitan sa kisame sa takot na abutan ng baha. Naging maulan pa rin sa maghapon pero himala dahil tumila naman pagsapit ng gabi't mangatog-ngatog halos sa lamig. Hindi pa ko makatulog at maaga pa naman kaya naisipang manuod ng telebisyon. Nakakabilib ang natunghayan kong kwento sa Maala-ala Mo Kaya sapagkat sa kabila ng pagsubok na kanilang pinagdanaan, marumi man ang trabahong kanilang pinapasok ay hindi pa rin nagawang iwanan ang isa't isa at parating nagdadamayan, anuman ang dumating.

8t-m. Sa huli, nakulong sila dahil napagbintangan ng Human Trafficking at iyon ang nag-ahon sa kanila sa Prostitusyon. Sana ganon din ang mga kaibigan ko na hindi ka niya kayang iwan, anuman ang mangyari at kahit ano ka pa. Sa totoo lamang, madaling magkaroon ng kaibigan pero yung tunay, mahirap at kahit marami kang kaibigan, hindi mo masasabi kung loyal ba silang lahat sa'yo at may ilan na nagbabalat-kayo lamang. Magiliw at dinadamayan ka lang dahil may katayuan kang pinanghahawakan pero kapag walang-wala ka, doon ka na nila iiwan at tatraydurin pa, matatawag pa ba yun na tunay na kaibigan at masakit kapag nangyari sa iyo yun. Marahil sa panahon na maraming opurtinista, maiging kilalanin muna bago sila kaibiganin.


August 14, 2016
Sunday
Year IV-227

  8t-n. Akala ko tapos na, wala na at gaganda na ang panahon subalit muling binabayo ng malalakas na pag-ulan at iyon ang tumapos sa nahihimbing na tulog. Pagkadilat ng mga mata at bangon, Alas-otso na pala. Kung puro pagdurusa at kalungkutan ang hinaharap sa buhay, may hangganan rin iyon at malalasap mo din ang kaginhawaan. Gaya sa nangyayari ngayon na panay ang pag-ulan na tila hindi maubos-ubos at pabalik-balik subalit may panahon na masisilayan muli ang araw. Naging maulan pa rin ang panahon subalit pabugso-bugso na lamang. Nakakatamad ang maglakwatsa kapag ganitong masungit ang panahon kaya mas piniling manatili na lamang sa bahay at magtinda.

8t-o. Sa kabila na masungit ang panahon kung linggo naman ay hindi naging matumal ang dating ng mga mamimili subalit kadalasan ay mga bata. Kapag mga kabataang kasing edad ko, Sigarilyo ang mabenta at kahit mga bata, marunong ng humithit. Tila hindi sila naaawa sa sarili at sa araw-araw na ginawa ng Diyos, unti-unting sinisira ang kalusugan, palibhasa'y napapabayaan na ng magulang o kung hindi man, nagmana sa kanila. Pagsapit ng hapon, nakakagulantang na balita ang sumambulat sa pandinig sapagkat nagkaroon ng buhawi pero sa Maynila.  

8t-p. Sa lakas ng hangin, parang dahon lang kung liparin ang mga yero at nakakapangilabot kung pagmamasdan. Matapos ay maraming ari-arian ang lubhang nawasak dahil sa buhawi. Pasalamat na lamang kami at hindi tumama ang ganong kalakas na buhawi at kawawa ang mga nasalanta dahil wala ng matitirhan. Ngayong masungit ang panahon, kailangan maging handa sa kung anuman posibilidad na mangyayari. Kinagabihan at dahil suspendido nanaman ang klase sa lahat ng antas, naisipan kong mag-soundtrip.  Habang giliw na giliw sa pakikinig ng musika ang biglang pagtawag ni Anne Rose. Mas gusto ko pa ngang makinig kaysa makipagkwentuhan sa kanya kaso nababagot daw, bilang kaibigan ay ako pa ang nag-adjust at balitaktakan kaming dalawa kahit papalalim na ang gabi. Dakong Alas-dose na ng mapagpasyahang matulog.


August 15, 2016
Monday
Year IV-228

  8t-q. Dala ng masungit na panahon dulot ng umaatikabong Hanging Habagat ay wala nanaman pasok, ang saya-saya. Malakas na buhos ng ulan muli ang gumising sa akin. Sa sarap ng tulog, Alas-otso na pala ng magising. Kakabangon pa lamang ay hindi inaasahang pangyayari ang sumagupa sa umaga sapagkat aksidenteng nasagi ang arinola, nakatikim tuloy ng maanghang na salita kay ina. Kahit nangangamoy mapanghi na halos ikasuka mo ay lakas loob pa pinunasan ang tumagas na ihi sa sahig. Kung hindi lamang padaskol-daskol sa paglalakad, hindi sana ito mangyayari't nakakaimbyerna. Maya-maya at himala, sapagkat biglang bumuti ang lagay ng panahon at sumilip pa ang haring araw. Sinamantala ko ang maaliwalas na panahon sa paglalaba. Tila nanloloko ang panahon, kung kailan walang pasok, nagiging maaraw pero kung kailan may pasok, saka naman panay buhos ang ulan.

8t-r. Sa kabila na pukpukan ang pag-ulan ay naging abala pa rin kami sa pag-iipon sapagkat mawawalan daw ng tubig mamaya. Matapos ang paglalaba, gawaing bahay naman ang sunod na inatupag at pagtitinda. Saka lamang nakapag-relaxat nahawakan muli ang gadget na nagbibigay libang sa aking araw matapos ang gawaing bahay. Pagpatak ng hapon, ang inakalang magandang panahon sa maghapon, naging masungit muli. Tila wala nanaman pasok bukas sapagkat binabayo muli ng malakas na ulan. Balak ko sanang lumabas pagkat inaamag na ng lagay sa bahay pero napigilan ng masungit na panahon.

8t-s. Hanggang kailan kaya magtatagal ang mga pag-ulan na maya't maya ang pagbuhos? Malapit na rin maghapunan kaya pagluluto ang siyang inatupag ng oras na iyon para iwas pagkabagot. Kinagabihan at dahil hindi pa madalaw ng antok, pakikinig ng musika ang inatupag. Lumalalim na ang gabi pero ako pa rin na si buhay na buhay at tila walang pakialam sa mga himbing na sa pagtulog kung makahalakhak. Dami kong tawa habang pinapakinggan ang mga nakakatawang kanta at kahit sinong makapakinig ay kabag ang aabutin at mapupunitan ng ngala-ngala. Sa kakatawa na parang huling sandali mo na sa mundo, hindi namalayang hating-gabi na. Kahit buwang-buwang ngayong gabi, ang mahalaga'y naging masaya ka.   


August 16, 2016
Tuesday
Year IV-229

8t-t. Maliwanag na sa labas ng magmulat ang mga mata pero hindi maaninag ni katiting na sinag ng araw sapagkat balot muli ng makakapal na kaulapan ang kalangitan at maya't maya pa ang pag-ulan. Dahil sa dinanas kahapon na ayaw ng maulat, naging marahan na sa pagkilos at hindi na palantod-lantod. Hindi naman naganap kung ano ang pinangangambahan ko. Matapos humigop ng mainit at makapasong dilang kape, mistulan muling Yaya ngayong araw at tamang kiskis at punas lang ng sahig kahit halos sukuan na pagkat hindi matanggal ang dumi-dumi. Ng makapaglinis sa loob ng bahay, ayaw ko man itong gawin at nakakatamad ay kailangan alang-alang sa makukuhang grado na kasing taas at ganda ko.

8t-u. Sinimulan ko na ang paggawa ng Thesis sa Experimental Psychology at ibang klase ang hirap na ikasasakit ng bungo mo. Nagawa na ngang pigain ang utak, makaisip lang kung anong isusulat pero wala talaga't tila nabablangko ngayon. Ano bang mayroon sa aking kukote't kailangan na marahil kiskisin pagkat kinakalawang na. Gasirit din ang dugo sa Ilong pagkat kailangan English ang konteksto sa Thesis at muntikan ng umayaw. Sa sobrang abala ko sa pagsusulat ng Scope of Delimitation at Definition of Terms sa Thesis, nawala na ng time para makapag-beauty rest, ang resulta'y lusyang na ang lola niyo. Hindi mo gugustuhin sapagkat nag-uumapaw na Stress ang dadanasin at ikababaliw pa sa hirap pero kailangang kaharapin doon nakasalalay ang marka.

8t-v. Makalipas ang mahigit sa dalawang oras, natapos ko rin ang pinapagawa. Walang magawa sa bahay at dahil hindi naman umuulan, naisipan kong magtungo sa Computer shop.  Nasarapan ako sa pagkukumpyuter kaya inabot ng dalawang oras at saktong paglabas ko, napakadilim ng kalangitan at nagbabadya nanaman ang malakas na ulan. Minalas lamang ng lagay pagkat nakalimutang magdala ng payong at sa takot na maabutan, may pagmamadali ako sa pag-uwi. Hindi naman naganap ang pinapangamba ng dibdib at umuwing tuyo. Laking pasalamat ko sa maykapal pagkat hindi hinayaang bumuhos ang ulan habang naglalakad pauwi't tunay ngang hindi niya ko pinababayaan sa kabila ng mga kasalanang nagawa ko. Pagsapit ng gabi, biglang nanakit ang ulo ko kaya hindi na tinagalan pa ang pagbabad ng mata sa telebisyon at maagang natulog.


August 17, 2016
Wednesday

Year IV-230

8t-w. Tuluyan ng bumuti ang kalagayan ng panahon kaya wala ng dahilan pa para suspindihin ang klase at balik eskwela nanaman kami. Dakong Alas-sais na ng magising ako at kahit namumugto pa ang mga mata sa antok at ibig pang humilata ng sarap sa kama, kinailangan ng bumangon. Pagkarating ay nadatnang marami-rami na ang kamag-aral at maririnig na ang samu't saring boses pero swerte pagkat wala pa si Sir Jigo. Ang buong silid na saksakan ng ingay at gulo, biglang pumayapa pagkapasok ni Sir at nagturo. Wala nanaman ginawa sa buong klase niya kundi ilabas ang kanya-kanyang mga pangil at ang saya ng buhay kapag klase ni Sir Jigo, nakakalibang at chill. Sa sobrang dami ng kwento ni Sir na puro love life ang laman kaya hugot na hugot ang dating sa amin, hindi namamalayan na dismissal time na. Kahit wala na ang pagtingin sa kanya, tingin ko'y hindi pa rin nagbago ang kakisigan niya.

8t-x. Sa oras naman ng Social Psychology, nagturo lamang si Sir Ronantungkol sa nangyayari sa ating bansa. Sa kanyang pagtuturo, talagang tinuligsa ang paraan ng kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga at kung iisipin, sa panahon ngayon ay maraming namamatay. Ang masaklap pa, hindi raw pantay-pantay ang batas ng mayayaman sa mahihirap kung droga ang pag-uusapan at kapansin-pansing mas maraming namamatay na mahihirap na sangkot sa ilegal na droga kaysa mayayaman. Kapag mayaman daw kasi, kapag sumuko'y ikukulong lamang pero kapag mahirap na ultimo sumuko na, papatayin pa rin at tapos, palalabasin na nanlaban daw. Ngayon lamang ako naliwanagan sa sinabi ni Sir Ronan at ipina-realize niya sa amin na hindi dapat kriminal ang tingin sa mga gumagamit ng droga kundi may sakit na kailangang gamutin, hindi patayin. Psychology Student ako kaya totally sang-ayon sa sinabi ni Sir.

8t-y. Wala talagang perpekto sa Mundo, maganda nga ang dulot ng kampanya ni Duterte dahil bumababa ang kriminalidad sa bansa, ang problema'y maraming karapatang pantao ang nalalabag. Sa oras naman ng Education 3 at dahil tinatamad ng magturo si Sir Ronan, take down notes muli kami ng lecture.  Pagkatapos ay breaktime na.  Balak sana muling maghigpit ng sinturon, pero hindi na nagawa pa gawa na namimipi na ang bituka sa gutom. Maya-maya'y tumungo kami sa karaokehan. Batid kong hindi pinagpala ng ginintuang tinig pero dahil sa pamimilit ng kasamahan at bilang pakikisama na rin, napakanta na ko.

8t-z. Hindi lang ako kumanta at ng masarapan ay napabirit na rin. Daming alam na kabalbalan ni Limboc at kung sino-sino ang kanyang napagtitripan  sa amin kaya walang ginawa kundi tumawa ng tumawa. Kahit na maloko si Limboc ay gusto ko na rin itong kaibiganin pagkat nilulugar niya ang pakikipagbiruan, hindi katulad ng iba na walang pakialam sa kung anong mararamdaman ng taong binibiro nila at mapang-bully pa. Bukod pa dun ay mabait at nanlilibre pa. Ang hindi maganda sa kanya'y lango sa pagyoyosi na kailangang bawas-bawasan. Makalipas ang tatlong oras ng aming pagsasaya magkakasama habang nasa karaokehan, tumungo na ng silid.

8v-a. Sa oras ng Experimental Psychology, nagmistulang guidance counselor si Ma'am Joyce habang nagsasalita't napakabuluhan ng kanyang sinabi na makakatulong sa aming pamumuhay. Sayang at sana, si Ma'am Joyce na lamang naging professor sa Guidance and Counseling pagkat kung siya'y very exciting and interesting  ang klase at hindi ko nanaising lumiban. Matapos niyang magturo'y nagkaroon kami ng maikling pagsusulit at nakakakaba pagkat maraming items ang may minus kapag nagkamali. Kahit challenging ang pa-quiz ni Ma'am, no choice kundi sumagot at ng checking, laking tuwa pa rin kahit one out of ten lamang ang nakuha sapagkat hindi umabot sa negative ang marka. Ilang sandali pa at sa wakas ay uwian na rin. Sa gutom na nararanasan ay diretso lamon ako pagdating ng bahay at hayahay ang moda sa panonood ng telebisyon. Matapos ay daglian na kong natulog.    


August 18, 2016
Thursday
Year IV-231

8v-b. Saktong umaga na ng ako'y magising at sa takot na mahuli ng dating sa klase, dinalian na sa pagkilos. Dakong Alas-otso na ng marating ang eskwelahan at saktong papasok pa lamang si Ma'am Ria. Sa oras ng Group Dynamics, nagturo lang si Ma'am at heto muli siya na panay tsika at may pataas pa ng kilay habang nagkukwento. Kaming mga tagapakinig, windang na windang muli't di mapigilang tumawa. Matapos magturo ni Tsikadorang bakla, lumabas na kami at kumain. Magkakaroon pala ng maikling pagsusulit sa Genetics kaya sa halip na gugulin ang oras para kumain, naging abala sa pagrerepaso at sa paggawa na rin ng assignment. Makalipas ang ilang minuto, humiwalay na kami kina Anne Rose at nagtungo ng silid.

8v-c. Habang naglalakad ay minalas muli ng lagay dahil aksidenteng naapakan ang Dirty Cake, sa takot na pagtinginan at pandirihan, dali-daling nagtungo ng banyo para maghugas, mabuti na lamang at kami-kami ang nakakita. Sige lang sa pagrerepaso habang hindi pa pumapasok si Ma'am Zandra. Paano naman makakapag-aral ng maigi kung saksakan sa ingay ang buong silid at kala'y tagabundok kung mag-usap-usap. Maya-maya pa'y pumasok na si Ma'am at nagsimula na ang pagsusulit. More on solving ng Hybrid at Multiple Alele ang coverage ng quiz.  Naging madali naman ang pagsusulit kaya yakang yaka sa pagsagot subalit nakaka-pressure kapag kaunti na lamang sa inyo ang sumasagot. Sa oras naman ng Physics at habang hindi pa dumarating siMa'am Pebenito, tamang kwentuhan muli kay Ate Micah.

8v-d. Higit sa isang oras na ang nakakaraan pero wala pa rin si Ma'am at tingin namin, mukhang di na ito darating kaya napagpasyahang umalis na. Wala pang balak ang isip na umuwi kaya naisipang maki-sit-in muli sa klase nina Eloisa sa Guidance and Counseling. Nagbigay lamang sa kanila ng activity si Sir Jigo. Parang tumaas ang balahibo ko ng tanungin ni Sir at sa kanyang sinabi, parang hindi niya ko pinapayagang maki-sit-in pero nagbibiro lamang ito at ang kulit niya, kahit ganap ng professor ay para itong bata kung umasta't kung sino-sino ang nilalapitan tapos ay haharutin. Sa naobserbahan ko, si Sir Jigo pa mismo ang pasimuno ng kaingayan sa buong silid at yung iba ay nadi-distract na. Biglang naghari ang gulat sa loob ng lapitan nito si Jed at haplus-haplusin at yakapin.

8v-e. Ito naman si Jed, kagat na kagat sa pinaggagawa ni Sir at akala naman nila, magseselos ako. Nakakatawa lamang isipin na si Crush at si Ex-crush, nagyayakapan at ang sweet nila, sana dumugin ng guyam. Hindi na lamang ako tumitingin habang ginagawa nila iyon sapagkat panay ang panggagatong nila Eloisa sa akin. Hindi lamang isang beses na nangyari iyon kundi paulit-ulit pa at ayaw kong mag-assume pero pakiramdam ng loob, tila nanadya yung dalawa. Maya-maya pa'y dismissal timena nila. Ayaw ko pa talagang umuwi kaya naisipang magkumpyuter. Sumapit na ang Alas-sais ng makarating sa bahay at heto muli ako sa paglamon at hayahaymode sa panonood ng telebisyon. Hinintay ko pang dalawin ng antok at maghating gabi bago matulog. 

August 19, 2016
Friday

Year IV-232

8v-f. Nataon pa ang pagdiriwang ng kapanganakan ng ating ama ng wika sa araw kung kailan wala kaming pasok kung kaya hindi madama ang Holiday. Dahil wala muling pasok, tinanghali na ko sa paggising. Kay sigla muli ng naging umaga ko at idagdag pa ang maaliwalas na panahon, sana magtuloy-tuloy ang ganito hanggang sa pasilang ng dilim. Matapos maglinis sa loob ng bahay ay sinimulan ko ng gawin ang takdang-aralin sa Guidance and Counseling. Habang abala sa pag-iisip ng dapat isulat ay napaisip ako, paano kaya kung tatlong araw na lamang pala ang ilalagi ko sa Mundo, may sapat pa bang panahon para magawa pa ang bagay na hindi mo pa nagagawa at pagsisihan ang mga nagawang kasalanan at itama ang lahat ng pagkakamali. Nakakalungkot lamang isipin na kapag tinaningan ka na, kaunti na lang ang panahon para makasama ang mahal sa buhay at ipakita pa sa kanila kung gaano kawagas ang 'yong pagmamahal.

8v-g. Kahit ayaw mo pang lisanin ang Mundo dahil marami ang nagmamahal at mangungulila, kailangan ng tanggapin kung ano ang maging kapalaran dahil di iyon mapipigilan at Diyos na mismo ang naghatol sa'yo. Kung sakali ako'y mamamatay, mananatili pa bang buhay ang ala-ala ko sa mga taong naging parte ng buhay o ibabaon na rin sa limot kasabay ng pagbaon sa akin? Akala mo mahaba at matagal pero sadyang napakaikli lamang pala ng buhay kaya hangga't may humihinga ka, kailangang sulitin at abutin kung anuman ang 'yong pangarap sa buhay, gawin kung anuman ang mabuti at kalugodlugod sa Diyos at pagsisihan ang mga nagawang kasalanan dahil wala ka ng kakayahang gawin iyon kapag pumanaw na.

8v-h. Naiiyak tuloy ako habang ginagawa ang assignment at masyadong makadamdamin ang nilalaman ng sagot. Marahil maging si Sir Jigo ay maiiyak kapag nabasa ang sulat ko at sana'y ma-appreciate niya. Sa labis na abala ko na halos maluha na, hindi namamalayan ang oras at kailangan na palang mananghalian. Matapos at dahil nakakabato, nag-siyesta na lamang ako. Medyo naging masiba muli sa pagtulog kaya papikit na ang liwanag ng magising at lamon muli para sa hapunan. Kinagabihan at dala na wala pa ang antok sa mga mata, tamang kinig muli ng musikang hugot na hugot. Masarap makinig ng Sentiment Songs dahil dinadala nito ang 'yong isip at puso sa masalimuot na pamumuhay ng tauhan at hindi literal na nangyayari sa'yo pero mararamdaman mo kung ano ang dinadanas niya. Inabot na ng hating-gabi ng mapagpasyshang matulog.


August 20, 2016
Saturday

Year IV-233

8v-i. Muling sumapit ang araw ng Sabado at kahit mugto pa ang Mata sa antok at tinatamad pang bumangon, maaga na at baka mahuli sa pagpasok kaya hindi na pinatagal pa ang pagbangon at nag-almusal. Naging napakabagal ng daloy ng trapiko sa lansangan kaya saktong nakapasok na si Ma'am Ria pagkaalpas sa paaralan at nagtuturo. Parang hinugot ang malaking tinik na nakabaon sa aking lalamunin ng hindi naman pakitaan ng katarayan ni Ma'am at ngumiti lamang ito. Maya-maya pa'y breaktime na't lumabas na kami. Gawa na naghihigpit ng Sinturon at di pa naman kumakalam ang Sikmura, hindi ako kumain at takaw tingin na lang sa mga kasamahang sarap na sarap sa paglantak. Ilang sandali pa, tumungo na kami ng silid. Sa oras ng Genetics at habang wala pa si Ma'am Zandra, sinamantala ang oras para tapusin ang assignment.  

8v-j. Biglang pumana ang kaba sa dibdib pagkatungtong ni Ma'am sa silid pagkat hindi pa natatapos ang assignment at kami ay nagtsek lamang. Matapos ay hindi ko ikinagalak ang resulta sapagkat hindi katayugan at nakakadismaya. Sa oras ng Physics, ang inakalang hindi papasok na si Ma'am Pebenito, nagkakamali pagkat pumasok na ito at nagturo. Sa hirap ng lesson na tipong pangmatalino lamang, kahit na kay Ma'am na ang teynga at mata, hindi pa rin magawang makuha't nagugulahimanan sa sinabi kaya ng magkaroon ngactivity, nga-nga ang moda at nakipagkopyahan lamang sa kamag-aral. Ganito pala ang Physics kapag nasa kolehiyo ka, walang kasing hirap at ikasasakit ng bungo ang sangkatutak na Formula at Word Problem. Ilang sandali pa at sa wakas, uwian ko na rin.

8v-k. Kinagabihan at dahil nakakabagot kapag walang ginagawa, naisipang libangin ang sarili sa panonood ng Pelikula. Halos ikabingi ko na habang pinanonood ang palabas na pinamagatang Girlfriend for hire pagkat non-stop na nagsisigawan ang nagpapanggap na magkasintahan na sina Nami at Bryle at daig pa ang aso't pusa kung mag-away. Ang pagpapanggap nila, nauwi sa totohanan pagkat nahulog sa isa't isa at kung kailan nangyari iyon, saka naman dumating ang ex-girlfriend ni Bryle, kaya ang resulta'y labis na nasaktan si Nami. Maigi na lamang at mabait yung babae at nagparaya kaya sa huli, sila pa rin. Grabe ang palabas na iyon at kinukurot sa kilig ang Puso ko. Kung sino pa yung taong kinaiinisan at ayawan mo, siya pa yung makakatuluyan at makakasama habang-buhay gaya ng nangyari sa kanilang dalawa.


August 21, 2016
Sunday
(Ninoy Aquino Day)
Year IV-234

8v-w. Araw ng kamatayan ng isa sa bayani ng ating bansa na si Ninoy sapagkat walang takot nitong binangga ang bulok na pamahalaan ni Ferdinand Marcos para maisalba tayo mula sa malupit niyang pamumuno, ang Martial law. Kahit hindi ako nabuhay sa panahong iyon kung dahil naman sa bulong ng history,  isa ako sa tutol sa napipintong pagpapalibing kay Marcos sa libingin ng bayani sapagkat maraming tao ang nagdusa nandahil sa kanya at naging sakim sa kapangyarihan. Oo at naging sundalo siya't isa sa lumaban ng ikalawang digmaang pandaigdig pero hindi maituturing na bayani kung nakaukit sa kanya ang bagay na hindi maganda at hindi dapat taglayin ng isang bayani. Ano kayang pumasok sa kukote ng Pangulong Duterte at ibig niyang ipalibing ang Diktador sa libingan ng mga bayani?

8v-x. Hindi naman masisisi ang mga taong biktima ng Martial law at kahit matagal na at kailangan ng mag-Move on, hindi ganon kadaling kalimutan kung matindi ang dinanas at halos nasa bingit na ng kamatayan. Dakong Alas-otso na ng ako'y magising at nag-almusal. Nang malamnan ang Tiyan, pamamalantsa agad ang inatupag ko. Bago pa man magtanghali, tumungo ako sa Computer shop para magpalimbag. Ang kaninang maaliwalas na panahon, biglang kumulimlim at malas naman sapagkat naabutan ng ulan at hindi nakapagdala ng payong. Hangga't gapatak pa'y may pagmamadali ako sa pag-uwi. Nasira tuloy ang ipinalimbag na dokumento dahil sa lintik na ulan na 'yan.

8v-y. Dahil may lakad kami ngayon ni Annie, pagpatak ng Alas-dos ay nagbihis na ko. Tanging si Kaka lamang ang nakasama patungong Ever Gotesco Mall. Pagkatungtong doon, hindi pa namamataan si Annie kaya panay ang tiktik sa kanya. Makalipas ang dalawang oras na aming paghihintay, sa wakas ay dumating na sina Annie. Matapos ang apat na buwan ay ngayon lamang kami nagkita ni Annie kaya na-miss ang isa't isa at mainit ang batian sa isa't isa. Wala kaming ginawa sa loob ng mall kundi maglakwatsa, magkwentuhan at magkuhaan ng litrato. Kahit paano'y nasusulit ang araw at naaaliw ako dahil sa kanila't tamang friendship bonding lang. Hiling ko lang na maulit pa ito sapagkat minsan na lamang kami nagkikita. Pagpatak ng Alas-singko at dahil ganung oras lamang ang paalam nina Annie, nagpaalam na kami. May pupuntahan pa ko kaya napagsabihan si Kaka na mauna ng umuwi.

8v-z. Dahil Linggo at malapit lamang sa Ever Gotesco Mall ang Saint Peter Parish, naisipan ko ng magsimba. Matapos magsimba'y biglang sumagi sa isipan kung kumasta kaya si Kaka na ngayon ay mag-isa na lamang umuuwi't baka mapaano na yun. Umiral ang pag-aalala ko sa kanya kaya pagkadako sa amin ay tumungo ako sa kanila. Lalo pang tumingkad ang pag-aalala ng ipabatid ng kaanak na hindi pa raw ito nakakauwi. Dapat ay isinama ko na lamang siya sa aking lakad ng sa ganon ay hindi nag-aalala ng ganito't magkakaroon pa ng atraso sa kanila kapag may mangyari kay Kaka. Hiling ko lang na makauwi ito ng ligtas at tiwalang hindi siya pababayaan ng Panginoon. Pagsapit ng gabi at dahil sa pag-aalala, hindi na tuloy makatulog. Sa nangyaring ito ay ngayon ko lang naisip na ganon pala mag-alala na kahit di kaano-ano'y mararamdaman iyon at matindi pa.


August 22, 2016
Monday
Year IV-235

8w-a. Marahil ay nakauwi na ng maayos ang nakasama ko kahapon kaya nawala na ang pangamba sa dibdib. Sumapit muli ang araw ng Lunes kaya maaga nanaman magigising, mag-aalmusal at magsusuot ng uniporme. Kahit mukhang mahuhuli na ay saktong wala pa si Sir Jigo pagkaalpas ko ng paaralan kaya balot muli sa kaingayan ang buong klase ng Dash 1. Napansin ko lang at sa totoo lamang, sa lahat ng section na pinapasukan ko bilang irregular student ay Dash 1 ang pinakamaingay at magulo. Ang mga hinirang na Class officer, sa halip na magsaway, ayun at nakikipagdaldalan at tila walang pakialam sa nangyayari. Biglang tumahimik at balikan sa kanya-kanyang upuan pagkapasok ni Sir Jigo at nagturo. Hugot na hugot muli si Sir sa pagsasalita kaya ang mga kamag-aral ko, buhay na buhay at hala ang sige sa hiyawan at nakuha pang humirit, diyan kasi sila magaling.

8w-b. Ang kinaiinis ko pa, minsan lang magwalang hiya, sila pa ang may ganang magalit at parang ipinapamukha na wala akong karapatan samantalang yung pakikipagdaldalan nila sa klase habang may nagtuturo sa harapan, pa-text-text at natutulog, hindi ba 'yun kahiya-hiya. Bakit pagdating sa akin, madali sa kanila ang magalit pero kapag sa iba, wala lang at parang sinasabing ituloy niyo lang, walang pipigil. Naiinis na ko ng panahong iyon kaya ibig ng lumabas pero hindi magawa, walang ginawa kundi makisama na lang sa kanila kahit iritable na. Sa oras ng Social Psychology, hindi pumasok si Sir Ronan kaya kumpiyansang hindi matutuloy ang klase sa susunod na asignatura pero pumasok ito sa oras ng Education 3 at ipinabatid sa akin na may pinagkaabalahan daw ito. Sa oras na iyon, wala kaming ginawa kundi taking notes at gusto ko ng matulog pagkat nakaantok pero pinigilan.

8w-c. Maya-maya'y breaktime na, kasabay ko nanaman sina Limboc kaya matapos kumain, kantahan muli kaming magkakasama't napabirit muli ng wala sa oras. Habang umaawit ako sa harapan nila, mas lalo pa nagiging confident at nahahasa ang galing sa pagkanta. Aminado ako na kasumpa-sumpa ang boses kung pakikinggan pero kung sinasanay lamang, baka mapabilang sa isa sa pinakamahusay na ang mang-aawit. Lalo pang sumaya ang kantahan ng awitin ang kantang Listen. Sa taas ng nota, hirap abutin at mapapapiyok ka. Pagpatak ng Alas-tres at matapos ang kasiyahan, napagpasyahan na namin tumungo sa silid.

8w-d. Sa oras ng Experimental Psychology ay nagsagawa lamang ng activity ang ilan naming kamag-aral. Napakainteresado ng activity nila dahil magko-construct ka ng panibagong salita mula sa Jumble words na ipapakita nila at iyon ay paramihan. Nakaka-pressure sapagkat may time limit, hindi tuloy makapag-isip ng maigi. Matapos ay tseking na't hindi ko akalain na magbibigay sila ng premyo sa taong makakakuha ng pinakamataas na marka, hindi tuloy ako na-motivate.  Pagkatapos at bago umuwi, inasikaso muna namin ang paggawa ng Thesis. Naghihingalo na ang liwanag ng makarating sa bahay at kaagad na naghapunan. Kinagabihan at bilang libangan, tutok muli ang mata sa telebisyon. Dakong Alas-onse na ng mapagpasyahang matulog.   

August 23, 2016
Tuesday

Year IV-236

8w-e. Nasarapan muli sa pagtulog kaya tinanghali na ng gising. Mukhang nagluluksa ang panahon ngayon pagkat makulimlim at parang nagbabadya ang pag-ulan. Matapos mag-agahan at dahil may pinuntahan si Mama, ako muna ang namahala sa negosyo namin. Ang kaninang makulimlim na panahon na aakalaing uulan, nagkakamali pagkat biglang nagpakita ang haring araw. Balak ko sanang maglaba ngayong araw ng pamamahinga pero hindi magawa sapagkat hindi mo malaman kung ano ba ang lagay ng panahon at bawat paglipas ng oras ay pabago-bago. Medyo nababato na talaga kapag hinahayaang mabukbok ang sarili sa kakaupo kaya napagpasyahan ko ng maglaba kahit nagloloko ang panahon. Kinahapunan at dahil magkakaroon pala ng maikling pagsusulit bukas sa Guidance and Counseling at sa kagustuhang makakuha ng mataas na marka, walang ginawa kundi magrepaso kahit sumasakit na ang bungo sa pag-unawa kung ano ang nakatala.

8w-f. Naiinis lamang sa sarili pagkat walang pumapasok sa utak at parating iyon ang problema sa tuwing isasagawa ang pagsusunog-kilay at kailan kaya darating ang panahon na tatalas ang kukote. Kahit palagay na tila kinakalawang ang utak, kumpiyansa pa rin makakamit ang magandang kinabukasan. Be positive always at huwag panghinaan ng loob. Kahit dumarating ang puntong napanghihinaan ng loob dahil sa mga nangyayari, ganito pa rin ako na hindi sumusuko at sumusubok pa rin, baka sakaling palarin at hangga't may buhay ay may pag-asa. Pagpatak ng gabi at dahil hindi pa makatulog, naisipan muling manuod ng pelikula. Kahit horror movie ang palabas na Wang Fam at sa halip na taasan ng balahibo sa takot, hindi pa rin nagpapigil ang sarili na tumawa ng tumawa't ang kukulit ng mga dayalog ng bawat tauhan.

8w-g. Kahit na kampon ng aswang ang Wang Family at iniiwasan at kinakatakutan pa dahil sa di sila kagaya natin, natutuhan nila kung paano maging tao at nagawang makihalubilo kahit nahuhusgahan. Sa huli at dahil sa kabayanihang ipinakita nila, natanggap din sila sa kabila na sila'y mga aswang at makapagbagbag damdamin ang katapusin ng pelikula dahil ibig na nilang maging tao at iwanan ang bagay na kanilang kinagisnan, gawa ng pagkain o pag-inom ng mga dugo at lamang loob ng tao o hayop at pursigido silang mabago ang pamumuhay na kinasasadlakan. Sa kakatawa ng malakas at walang humpay, muntikan ng pagalitan ni ina pero di naman naganap kaya natulog akong may ginhawa at saya sa dibdib at sana parating ganito kahit may problemang pinagdaraanan, panatag lang at hindi nangangamba.  


August 24, 2016
Wednesday
Year IV-237

8w-h. Sa takot na mahuli sa pagpasok at hindi na makakuha ng pagsusulit ngayong araw, agaran na kong bumangon pagkamulat ng mga mata. Sa kagustuhang makakuha ng mataas na marka at malasap muli ang papuri ni Sir Jigo, habang nasa biyahe'y sinamantala ang oras sa pagrerepaso. Hindi nga lang makapag-aral pagkatungtong sa paaralan pagkat nuknukan sa ingay. Ilang sandali pa, pumasok na si Sir at sa bait, binigyan pa niya kami ng kaunting panahong makapag-aral. Maya-maya pa'y nagsimula na ang maikling pagsusulit  at kainis sapagkat nawaglit sa isipan ang nirepaso kaya ang resulta, nga-nga muli't hiling ko lang na huwag bumagsak. Pagkatsek ay ikinadismaya ng loob sapagkat maraming sagot ang palya't sayang na sayang. Sa muling pagkakataon ay di nanaman papalaring makatamo ng matayog na marka't lagagpak muli.

8w-i. Bakit ganito, nagsumikap na nga ako at halos gawin na ang lahat, makamit lamang ang minimithi pero tila mailap at hindi malaman kung saan nagkulang. Umalis akong dala-dala ang kabiguan sa dibdib at kahit isiping marami pang pagkakataon para bumawi, di ko maiwasang magkimkim. Medyo tinatamad na ko at pakiwaring wala naman gasinong gagawin kaya naisipang huwag ng daluhan ang klase sa Social Psychology, isa pa at baka tumunganga nanaman sa kakahintay kay Sir Ronan. Naisipan namin ni Charish na magtungo sa Library at doon manatili. Walang magawa at dala na nanabagot, naisipan kong makigamit ng Computer sa Library. Lalo pang nadagdagan ang ang kaninang kinikimkim na pagkadismaya ng makita sa School Automate na bagsak sa Group Dynamics. Pakiramdam ko ng panahong iyon, parang nalagas ng lakas at gusto ko ng umuwi at magmukmok muna mag-isa pero hindi ko ginawa at nagawa pa ring kayanin ang dala-dalang bigat ng loob.

8w-j. Balak sana namin na huwag na rin pumasok sa Education 3 pero biglang nagbago ang isip. Sa oras na iyon ay wala muling ipinagawa si Sir kundi ipatala sa amin ang lecture. Magkakaroon sana ng maikling pagsusulit subalit hindi natuloy pagkat kinapos sa oras. Mabigat na mabigat na ang kalooban ko't mukhang hindi na kakayaning magtagal kaya napagpasyahang umuwi na lamang. Pagkadating sa bahay, idinaan na lang sa pagtulog ang nararanasang kabiguan. Akala ko, ayos na at makakamtan na, pero nagkamali ako at sakit sa dibdib kapag ang bagay na inasahan mong makakamit at pinaghirapan pa, hindi makukuha sa bandang huli. Nanatili pa ring may bigat sa kalooban pagkagising kaya naisipan kong libangin ang sarili sa panonood ng telebisyon. Kinagabihan naman at gawa na wala pa ang antok sa mga mata, tamang pakinig muli ng musika at tanging magagandang himig ng awitin lamang ang bumubura sa bigat ng kalooban at kahit paano'y naiibsan na. Nabigo man ngayon, umaasang makakalasap ng katagumpayan balang araw.


August 25, 2016
Thursday

Year IV-238

8w-k. Sumapit nanaman ang Haring araw, hudyat na kailangan muling gumising at bumangon para sa panibagong araw na kahaharapin na may sigla at pag-asa. Dakong Alas-sais na ng ako'y magising at kaagad ng nag-agahan. Saktong naroroon na si Ma'am Ria pagkapihit ng yapak sa paaralan pero nakaupo lamang at hindi nagtuturo pagkat masama raw ang pakiramdam. Walang ginawa sa buong oras ng Group Dynamics kundi gawin ang naisin gaya ng pakikipagdaldalan. Samantalang sila Ella at dahil walang magawa, ako ang napagdiskitahan at inudyok na magpalagay ng Lipstick. Nung una'y panay ang aking tanggi sapagkat nakakahiya at di ako sanay pero bilang pakikisama at katuwaan lang naman, nagpalagay na ko. Pakiramdam ko, nag-uumapaw ang kagandahan habang nilalagyan ng kolerete't kahit na sinong lumingon ay mabibighani pero ng lumabas kami at makasalubong si Ma'am Pebenito, sa halip na mapa-wow ay shock ito nang makita ako at sa kanyang mukha ay parang sinasabing tanggalin mo yan, hindi bagay sa'yo.

8w-l. Umiral ang hiya matapos makasalubong si Ma'am at kahit feel na feel ay napipilitan ng tanggalin. Maging sina Eloisa, shock nang makitang naka-lipstick ako kaya lalo pa nakaramdam ng hiya, dapat ay di na lang ako pumayag na magpalagay kung ganito ang dadanasin, ang nagbabadyang panlalait. Pagkapasok namin at maigi na lamang, wala ang Crush ko, kundi'y mapagkakatuwaan nanaman niya ko. Maya-maya pa'y pumasok na si Ma'am Zandra at nagturo. Anong hirap ng panibagong lesson na itinuro sa amin ni Ma'am at kailangan hindi ka lutang para makasunod. Kahit na ganun kahirap na tipong ikasasakit ng iyong bungo kapag inintindi, sana maka-survive pa rin ang grado. Balak ko na sanang huwag ng pumasok sa klase ng Physics dahil nahihiya akong magpakita kay Ma'am Pebenito matapos itong ma-shock ng bonggang-bongga, kaso ay marami ng absent at sayang ang panibagong kaalaman na malilikom kaya nilabanan ang hiya at siniguradong tanggal na ang lipstick bago pumasok.

8w-m. Tila ginisa ng hiya ng sa pagpasok ni Ma'am Pebenito, ako agad ang kanyang napansin pero nagtanong lamang ito't di na nanghirit o gatong pa, pano'y hindi na halata ang Lipstick sa labi. Tungkol sa Circular Motion ang itinuro sa amin ni Ma'am at matapos ay nagkaroon ng activity. Medyo hindi ko nakuha ang pagkakaturo ni Ma'am kahit todo pakinig at nakakalito kaya nga-nga at umaasa na lamang sa sagot ng kamag-aral. Lundagan kami sa tuwa ng ianunsyong assignment na lamang ang activity. Wala pa kong balak umuwi kaya sinamahan muna si Ate Micah sa Hospital. Minuto na lamang ang nalalabi bago kumagat ang gabi ng makarating sa bahay. Kinagabihan at bilang pampatulog, pakikinig muli ng musika ang inatupag. Malalim-lalim na ang gabi ng mapagpasyahang matulog.  


August 26, 2016
Friday
Year IV-239

8w-n. Napakalakas na buhos ng ulan ang bumasag sa nahihimbing kong pagtulog. Pagkamulat, nagliyab na ang liwanag kaya hindi na nagpatumpik-tumpik sa pagbangon. Wala muling pasok kaya sinamantala ang pagkakataon para asikasuhin ang Thesis.  Kahit di mo talaga ibig, mapipilitan ka dahil doon nakasalalay ang 'yong grado't iyon ang maglalayo sa'yo para bumagsak. Kasing ganda ko na sana ang araw na kinakaharap kahit bakas na sa mukha ang stress pero biglang nabago ng mabasa sa Messenger ang mga pahayag ng aking mga kapangakat sa Experimental Psychology. Matapos kong magpakahirap sa Thesis gaya ngayong araw, masasabi nilang wala raw akong naitutulong at parang sinasabing pabigat lamang ako. Ikinapuyos ng damdamin ko ang mga nabasa sa Group Chat kaya hindi nakapagpigil ang sarili na makapagbitaw ng nagngangalit at mabibigat na salita at pawang mga sumbat ang nilalaman ng Chat.

8w-o. Sarap talagang sumbatan ang mga taong ang hirap sa kanilang i-appreciate ka at puro kamalian at hindi magagandang bagay lamang ang nakikita sa'yo. Kung makapagsalita sila lalong-lalo na yang si Catherine, akala kung sino samantalang pare-pareho lang nahihirapan. Nagsisisi ako kung bakit naging kagrupo pa sila. Parang may sariling mundo na sila-sila lamang ang nakakaalam at bawat balakin sa Thesis, hindi ipinababatid sa akin. Paano ako makakatulong ng maigi kung mahirap sa kanilang pakitunguhan ako't gusto parati, ako ang mag-a-adjust at hayaan na lamang sila sa ginagawa. Gusto parati sila ang iniintindi! Tao lamang ako't may hangganin din ang pagtitimpi at pagtitiis. Pakiramdam ko sa nakalipas na araw na kasama sila, parang pinagpipilitan ko lamang ang sariling ipagsiksikan sa kanila at sila naman itong lumalayo. Labis kong kinimkim ang kanilang sinabi kaya nawalan na ng gana sa paggawa ng Thesis.

8w-p. Pilit kong hindi intindihin pero parang bubog na patuloy na sinusugatan ang dibdib ko't ganun na ganun ang pakiramdam. Kinahapunan at dahil walang magawa, iginugol ko ang sarili sa pagpe-Facebook. Maya-maya'y biglang tumawag sa akin si Nathalia. Wala ako sa mood na makipag-usap sa kanya dahil sa may dinadamdam ako pero mukhang kailangan niya ng kausap sapagkat may pinagdadaanan ito, pinakinggan ko siya. Tunay ngang mararanasan mo ang sakit kapag umiibig ka't mahirap pakawalan ang taong mahal mo, lalo na't matagal at malalim na ang inyong pinagsamahan. Ibig ko sanang tulungan si Nathalia sa kanyang love problem, hindi ko magawa sapagkat wala pang alam sa larangan ng pag-ibig at lalong hindi si Mr. Romantiko para magpayo. Walang ginawa sa maghapon hanggang gabi kundi gugulin ang sarili sa pakikipag-chat.  


August 27, 2016
Saturday

Year IV-240

8w-q. Matapos ang hidwaang naganap sa pagitan ko at ng aking kapangkat sa Experimental Psychology ay wala pang balak magpakita sa kanila ngayon at ibig munang pahupain ang bigat na nararanasan sa kalooban na kanilang nilikha.  Pagkatungtong sa paaralan at sa halip na magtungo sa silid, nagtungo ako sa library para maghalungkat ng mga thesis. Sa ginagawa kong ito'y huwag nilang masabing wala akong naitutulong sapagkat gumagawa rin ng paraan para maging maayos ang aming thesis. Kahit mukhang pahirapan ang paghahanap pagkat marami-rami ang nakaimbak, nagawa ko pa rin magtiyaga alang-alang sa paraan ng pagtulong ko at mabawasan ang agam agam sa kanilang isipan. Nakahanap naman ako sa loob ng dalawang oras na paghahalungkat at saka lamang napagpasyahang umalis.

8w-r. Sa oras ng Genetics, nagtsek lamang kami ng assignment. Hindi nanaman ikinalugod ng loob ang natamong marka kaya dismayado muli pero pinipilit pa rin huwag umayaw at umaasang makakabawi. Matapos ay saka lamang nagturo si Ma'am Zandra. Medyo nakukuha na ang kanyang itinuturo pero hindi gaanong marinig pagkat may kaingayan ang klase at panay ang daldalan kahit may guro sa harapan. Pansin ko lang at karamihan sa mga kabataan ngayon, wala ng disiplina at nakakagawa na ng mabibigat na kasalanan gaya ng pagnanakaw, paggamit ng ipinagbabawal na gamot at pagpatay. Habang lumilipas ang panahon ay patuloy na nagbabago ang ihip ng hangin sa aking kapaligiran.

8w-s. Dati, mahinhin ang mga kababaihan at kinakayan-kayanan lamang pero ngayon kahit maton na aangas-angas, hindi uubra sa palabang babae. Dati, matatanda lamang ang pwedeng mag-anak at nabubuntis, pero ngayon marami ng kabataan ang maagang nagiging magulang at pabata pa ng pabata. Kung ikukumpara mo sa dati, hindi mo namamalayan na malaki na pala ang ipinagbago. Ilang sandali pa, sa wakas at dismissal time na rin. Nanatili pa rin ang kulo sa dibdib at baka kung ano pa ang masabi ko kapag magkita-kita kami kaya minabuting umuwi na lamang sa halip na dumalo sa klase ng Physics. Diretso siyesta ako pagdating ng bahay at kinagabihan, walang ginawa kundi gugulin ang oras sa panonood ng telebisyon. Hindi baleng ganito ang gawin ko sa araw-araw na ginawa ng Diyos, huwag lang malulong sa masamang gawaing maglalagay ng kahihiyan at kapahamakan sa iyong buhay.


August 28, 2016
Sunday

Year IV-241

8w-t. Eksakto maliwanag na sa labas ng magmulat ang mga mata at nagpapasalamat ng lubos sa maykapal sapagkat ipinagkaloob muli ang araw na ito para mabuhay at makasama ang mga mahal sa buhay. Tunay ngang hindi pa rin pinababayaan ng Diyos sa kabila na malabuhangin na ang dami ng kasalanan at kahit tila nakakaligtaan ng manampalataya sa kanya, hindi naman niya kinaligtaang gabayan ako. Diretso agad ako sa aming tindahan matapos mag-almusal. Sa totoo lamang ay nakokonsensiya ako kapag nagbebenta ng Sigarilyo, lalong lalo na sa mas bata sa akin. Kahit hindi pa nalalayo sa pagiging paslit ang edad, kahuhusay ng magsunog-baga at tila walang awa sa sarili kung makahithit-buga. Napipigilan man dahil sa namamayaning konsensiya, kailangan itong gawin alang-alang sa ikalalago ng negosyo. Ipinapangako ko't kapag nagkaroon ng sariling negosyo, hindi ako magbebenta ng mga bagay na ikasasama ng tao gaya ng Sigarilyo at Alak.

8w-u. Maya-maya pa ay sinamantala ang maaliwalas na panahon para maglaba. Habang abala sa paglalaba'y medyo nainis lamang sa mga alagang pusa sapagkat kung saan-saan dumudumi, nagawa ng sabuyan ng tubig. Ang kaninang inis, napalitan ng awa ng makitang nangangatog na ang mga Pusa sa ginaw at nagsisisi sa nagawang pagmamalupit sa hayop. Dahil umiiral nanaman ang konsensiya, gumawa ng paraan para maalis ang kanilang pagkangatog. Kahit salbahe akong nilalang na tipong kinabubwisitan, nagagawa pa rin pairalin ang habag sa puso. Kinahapunan, pamamalantsa naman ang inatupag at pagluluto ng magiging hapunan, ganito ako kapag hindi makalabas-labas at nababagot, inuukol ang nalalabing oras para asikasuhin ang dapat asikasuhin. Kinagabihan at dahil walang pasok bukas, nagpakapuyat sa panonood ng pelikula at hindi muli mapigilan ang bibig na humalakhak kahit kalaliman na ng gabi. Saka lamang napagpasyahan matulog ng matapos panoorin ang pelikula.


August 29, 2016
Monday
(National Heroes Day)
Year IV-242

8w-v. Another day of happiness dahil mukhang mahabahaba ang weekend at may panahon para makapagpahinga at gawin ang naisin. Sa ganda ng napaginipan at sarap ng tulog, tinanghali muli sa paggising. Naging kabagot-bagot muli ang umaga kaya gawaing bahay ang naisipang pagkaabalahan. Sa sipag kong ito at idagdag pa ang namamayaning kasiglahan, maging kasulok-sulukan at ilalim ng sahig, nagawang linisin at tanggalin ang nanunuot na dumi. Mukhang pwede ng magkatulong kung kakailanganin dahil sa araw-araw na ganito ang ginagawa, nahahasa na ang kakayahan. Kahit palembot-lembot kung kumilos at may patikwas pa ng kamay kapag nakikipagtalastasan, may ibubuga pa rin pagdating sa ibang bagay na kinakailangan sa araw-araw at natutuwa ako dahil alam ko na may silbi ako.

8w-w. Sa dami ng winalisan at punas, malinis lamang ang buong bahay at maging kalugod-lugod sa paningin ni ina, nagkandaubos ang taglay na lakas at ginutom ng todo-todo. Pagsapit ng hapon at dahil batong-bato muli ako, nilibang ang sarili sa paggamit ng Social Media. Sa sobrang pagkahumaling na tipong adik na adik na, hindi namamalayang gumagabi na pala. Pagkagat ng gabi at gawa na hindi pa makatulog, panonood muli ng pelikula ang inatupag. Makapanindig balahibo habang tinutunghayang ang Horror Movie na pinamagatang The Maid at masuway lang ang paniniwala ng mga Tsino, hindi mo magugustuhan kung ano ang mangyayari at nakakatakot na biglang sasambulat sa'yo ang naliligaw na kaluluwa ng walang kamalay-malay. Sa takot, muntikan ng mapaihi sa salawal at ibig ng magtitili-tili pero hindi magawa. Kahit labis na nakakatakot ang pelikula na halos ikaatake ng puso, thank God dahil maayos pa rin nakatulog.


August 30, 2016
Tuesday
Year IV-243

8w-x. Panibagong araw ng pakikibaka sa buhay at hindi mo mabatid kung malalampasan pa ba ito. Nakakaba lamang dahil sa bawat pagdaan ng araw, hindi mo alam kung ano ang kahaharapin at kailangan maging handa parati. Ngayong araw gaganapin ang aming Seminar at magkahalong tuwa at sabik ang dala-dala sa dibdib dahil sa wakas, makikita na rin sa personal ang isa sa pinakatanyag at namamayagpag sa Telebisyon na Psychologist na si Doctora Camille Garcia. Sa takot na mahuli at wala ng maupuan, dinalian ko sa pagkilos. Pagkadako sa paaralan doon sa Auditorium, marami na ang nagsipagdalo at nakakadismaya dahil napakalayo ko mula sa entablado. Kung inagahan lamang ang pagpunta, malamang ay nasa harapan pa at maganda ang lokasyon para kuhaan ng Video si Doctora Garcia habang nagtatalumpati.

8w-y. Nagkaroon muna ng Opening remarks sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-awit ng pambansang awit at ilang sandali pa, hiyawan kaming mga nagsipagdalo ng magpakita na sa entablado si Doctora Camille Garcia at nagsalita. Tungkol sa Digit Ratio ang tinalakay niya sa amin at ngayon ko lamang nalaman na ang iyong kakayahan at kung anong tunay mong pagkatao ay nakasalalay sa'yong mga daliri at pinatunayan iyon ni Doctora Garcia. Hindi ko lamang lubos na maunawaan sapagkat bukod sa malayo, maingay ang mga nakapaligid at ang hina pa ng boses niya, nawalan na ng ganang makinig at gusto'y umalis na. Pagkatapos ay binigyan kami ng pagkakataon para magtanong at klaruhin ang isinalaysay ni Doctora Garcia.

8w-z. Maraming katanungan ang nabubuo sa isipan na ibig ipahayag pero pinipigilan ng hiya. Nakakainis lamang sapagkat marami na kong sinayang na pagkakataon dahil pinahihintulutang magpanaig sa hiya't  nakakadismaya kung iisipin. Hanggang kailan kaya ako ganito, marupok at mahina ang kalooban at kailangan ko ng taong magbibigay ng lakas ng loob para gawin ang ibig at pangarap sa buhay, pero paano makakahanap ng ganong tao, kung pahirapan sa akin ang makipagkapwa-tao. Ng makapagtanong ang lahat, Groupie ang bawat seksyon kasama siya. Hindi ako na-satisfy sa naging takbo ng aming seminar sapagkat bukod sa hindi maintindihan ang itinuturo, hindi siya Guidance na inaakala kong isasagawa, nasayang lamang ang ibinayad. Mugto na ang mga mata sa antok kaya diretso ako sa pagpapahinga pagkadako sa bahay.   


August 31, 2016
Wednesday

Year IV-244

8x-a. Napakatulin nga naman ng panahon at nasa katapusan na ng buwang ito. Medyo hindi makatulog ng maayos kagabi kaya tinanghali na gising. Mukhang mahuhuli na sa pagpasok kaya dinalian sa pagkilos. Balak ko sanang huwag ng pasukan pa ang klase sa Guidance and Counseling pagkat pakiwaring mahuhuli na, kaso nakita nina Nicole at Bonna, No choice ako kundi tumuloy at pagkapasok ay magkahalong hiya at takot ang naramdaman nang madatnang naroroon na si Sir Jigo subalit hindi naman sinita, bagkus nginitian pa niya ko. Wala na rin maupuan kaya agaw eksena nanaman habang naghahanap ng mauupuan at may nakita naman, kaso sira at pagewang-gewang, walang ginawa kundi magtiyaga habang tutok sa pakikinig kay Sir Jigo kaysa naman umupo sa sahig na kawawang-kawawa. Nag-uumapaw pa rin talaga ang kakisigan ni Sir at tila hindi kumukupas-kupas.

8x-b. Kahit naibsan na ang nararamdaman, hindi naman nawala ang pagkahumaling sa kanya at gusto ko pa rin siya bilang guro. Sa oras naman ng Social Psychology, hindi muling dumalo si Sir Ronan maging sa klase ng Education 3, dagundong muli sa ingay ang kaloob-looban ng silid. Maya-maya pa at kasama sina Anne Rose, lumabas na kami at kumain. Matapos ang tsibugan magkakasama, heto muli kami sa karaokehan at mapapabirit nanaman ng wala sa oras. Kahit alam sa sarili na hindi pinagkalooban ng ginintuang tinig ay nagawa ko pa rin makipag-sing along sa kanila at nakakaaliw.

8x-c. Medyo maaga pa kaya tumungo muna kami ng Library at doon nanatili. Bahagyang nakaramdam lamang ng kaunting inis kay Anne Rose pagkat sa kanyang ginagawa, parang ipinaparamdam nito na wala akong karapatan makinig at manghimasok sa usapan nila. Kaibigan ang turing ko sa kanya pero hindi ko batid kung ganon din ba ang pakikitungo niya sa akin pagkat parang marami itong nililihim sa akin, ayos lang kung siya lamang ang nakakaalam kaso sinasabi nito sa iba na hindi ko nalalaman at parang ipinapamukhang hindi dapat ako pagkatiwalaan sa mga sikreto nito. Kahit na naiinis ako sa ipinapakita niya, pinigilan ko na lang at inintindi siya sapagkat hindi ko ibig na masira muli ang pagsasamahan namin. Makaraan ang isang oras, napagpasyahan ng pumasok sa silid.

8x-d. Sa oras ng Experimental Psychology, sa halip na magturo ay binigyan lamang kami ni Ma'am Joyce ng oras para gumawa ng Thesis. Magagawa na sanang asikasuhin ang Thesis kaso kulang naman kami, kaya napagpasyahang umuwi na lamang at sa bahay gawin. Pagkatuntong ng yapak sa sariling tahanan at sa gutom, pagkain agad ang nasa utak at manlaki ng labis ang mata at nag-iinit pa pagkat nakahain sa mesa ang Pizza. Agarang binanatan pagkabihis at sulit na sulit pagkat abot langit ang kabusugan. Pagpatak ng gabi at gawa na hindi pa makatulog, bilang pampaantok ay naisipang makinig ng musika.