July
01, 2016
Friday
Year IV-183
Friday
Year IV-183
8o-c. Hulyo na at di akalaing nangangalahati na pala tayo sa taong ito.
Kasabay ng pagbabago ng administrasyon maging ang bansang Pilipinas kahit hindi
pa ramdam, parang gusto ko na rin magbago, kaso hindi alam kung paano at saan
magsisimula. Gusto ko ng iwan ang mga mali at di dapat gawin na pipigil para sa
aking pag-asenso pero parang di magiging madali at kailangan harapin ang
matinding adjustment para makamtan ang pagbabago. Kung hindi
man madali ang minimithi ko, sana kayanin ito at tulungan at samahan ng Diyos
sa paglalakbay tungo sa pagbabago. Kung nabali man ito, marami pa naman
pagkakataon. Hangga't may buhay, may pagkakataon, may pag-asa. Hindi na gasino
pang inaantok kaya Alas-sais pa lamang at hindi pa man tuluyang sumisikat ang
Haring Araw ay bumangon na ko.
8o-d. Medyo maginhawa na rin ang pakiramdam subalit maya't maya pa rin ang
pagsinga. May mahalagang lakad ngayon si Mama kaya ako muna ang umako ng
responsibilidad sa pagtitinda.
Walang ginawa sa maghapon kundi magbantay sa tindahan at mag-abang ng
mamimili kahit tumirik na ang mata sa kakahintay sa sobrang dalang. Dakong
hapon na ng makabalik si Mama na may dalang pasalubong, tamang-tama sa
sikmurang kanina pa kumakalam at masayang pinagsaluhan. Napasarap ang kain kaya
mapadighay na sa labis na kabusugan. Pagsapit ng gabi at kakaupo palang
ni Duterte bilang Pangulo ng bansa, kabilaan na ang
napapatumbang mga tulak ng Droga, napapatay na mga Kriminal.
8o-e. Ang ilan naman, kusa ng sumusuko at medyo marami-rami na rin, karamihan
sa kanila'y puro magpapamilyang nalululong sa droga at naging ugat para
magkasira-sira sila. Habang pinapanood ang balita, laking pasalamat ko dahil
hindi nalulong sa masamang bisyo ang pamilyang kinalakihan kahit minsan, madalas
isipin na mas masaya pa ang pamilya ng kaibigan. Kahit tingin ko sa buhay,
hanggang ganito na lang at parang wala ng matutunguhan, naisip ko na mas maayos
pa pala ang buhay kumpara sa iba dahil, una ay hindi ako naninigarilyo, umiinom
ng alak, nagsusugal at lalong-lalo hindi gumagamit ng Droga.
July 02, 2016
Saturday
Year IV-184
8o-f. Matindi pa ang namamayaning antok sa mga mata kaya hindi nahihirapang
idilat kahit maliwanag na sa labas. Pagkabangon, Alas-sais pa lamang pala at
kaagad na nag-almusal. Nahuli na ko ng dating at sa takot na makatikim ng
makahiwang dibdib na pananalita ni Ma'am Ria, napagpasyahang huwag
tumuloy. Samantala ko ang oras sa pagkukumpyuter at paghiram ng libro sa Library.
Maya-maya pa'y tumungo na ng Canteen. Hindi agad namataan sina Eloisa kaya
hinanap pa sila. Nagkita-kita naman kami kinalaunan at medyo walang ganang
kumain kaya hindi magawang makisalo sa kanila. Pagkatapos ay tumungo na kami ng
silid. Sa oras ng Genetics,
tungkol pa rin sa di matapos-tapos na cells at chromosomes ang
itinuro sa amin ni Ma'am Zandra. Hindi makuha ng isip ang lesson kaya
may oras na nakakapagtanong.
8o-g. Bago pa man tuluyang magtapos ng klase, inulan ng sangkaterbang
katanungan si Ma'am Zandra kaso kinapos na sa oras kaya di lahat,
nasagot niya. Sa oras naman ng Physics, nagkaroon lamang kami
ng Seatwork at dahil more on computation and analyzing
the world problem, mabuwang na halos sa kaka-solve at kailangan
kabisado mo ang formula. I'm still like Physics though
it is disgusting and made your day miserable because of complex problem that
you will encounter time to time from this subject. Sa sobrang abala
namin sa pagsagot ng sangkaterbang World problem, di namamalayang
dalawang oras na ang nakakalipas. Maging si Ma'am Pebenito, na-stress sa
kakaanalisa ng problem at hindi na nakapagturo pa, kundi maaga niya kaming
pinalabas.
8o-h. Hindi muna ako agad umuwi pagkat pag-uusapin pa ang mga hakbang na
isasagawa sa Experimental Psychology. Sa hindi inaasahan,
napahiwalay ako sa kanila. Hinanap ko nga sila, hindi naman mahanap at
nag-aaksaya lang ng panahon kaya napagpasyahang umuwi na lamang. Nakakairita
silang kagrupo, parang may pinag-uusapan na sila lang ang nakakaalam, may
sariling Mundo at parang hindi ako belong. Kaunting-kaunti na
lang talaga at kapag di nakapagpigil, lalayasan ko na sila at bahala silang
maghanap ng panibagong leader! Kinagabihan at bago matulog,
nag-aral muna ako. Sarap magbasa at nakakapag-isip ka ng maayos kung matahimik
ang kapaligiran at walang bumabagabag sa'yo. Pumatak na ang Alas-onse at
kasabay niyon ang lumalalim na gabi kaya napagpasyahang matulog na.
July 03, 2016
Sunday
Year IV-185
8o-i. Panibagong Linggo muli ang kakaharapin ng ating buhay ng punong-puno ng
pag-asa at pagbabago. Sana nga, itong pagsisimula ng Linggo ang pagsisimula ng
maganda at maayos na pamumuhay ng bawat isa sa atin. Iwanan na ang mga gawaing
sa halip na makatulong ay maglalagay pa ng kasiraan at kapahamakan sa buhay
gaya ng paglalango sa alak, pagsusugal at lalong lalo na sa paglulong sa Droga.
Sabi nga ng bago nating pangulo,"Change is coming" kaya
harapin na ng may buong loob ang pagbabago. Mahirap man sa una, kasasanayan din
naman kinalaunan. Tuluyan ng sumikat ang haring araw ng ako'y magising.
Pagkaalmusal at dahil wala naman ibang gagawin, naisipan kong lagyan ng pabalat
ang bawat aklat at kwaderno. Bukod sa pabalat at dahil may kaartehan ang Lola
niyo, nilagyan pa ng iba't ibang palamuti para iligante at presintable sa
paningin ng makakakita.
8o-j. Malapit ng magtanghali, hindi pa tapos sa ginagawa, sa dami ba naman
kasi at medyo nag-iingat sa paglalagay ng Plastic Cover. Maya-maya, ang
kaninang maaliwalas na panahon, biglang kumulimlim hanggang sa bumuhos na ang
ulan. As usual, liwaliw at tampisaw nanaman ang mga tsikiting sa
ulan na akala'y ngayon lang nakaranas. Kasabay ng pagbuhos ng ulan, gulantang
ang dibdib ko ng biglang kumulog. Tatangkain ko sanang magtago, kaso hindi pa
tapos sa ginagawa. Nawala naman ang takot ko kinalaunan at ipinagpatuloy ang
gawain.
8o-k. Pagkatapos at dala na piping-pipi na ang sikmura at bituka sa gutom, nananghalian
muna ako. Kalderetang Manok ang naging pananghalian namin, sa sarap na
manamis-namis pa at malasa, hindi maawat ang bibig sa paglantak. Sobrang busog
ko matapos kumain. Kinahapunan at dahil may pasok nanaman kinabukasan,
pamamalantsa ng uniporme ang napagkaabalahan. Kinagabihan at dahil walang
magawa, panonood ng telebisyon ang siyang inatupag. Bago matulog, nagrepaso
muna sa Experimental Psychology bilang paghahanda sa darating
na pagsusulit. Dakong Alas-dyis na ng mapagpasyahang matulog.
July 04, 2016
Monday
Year IV-186
8o-l. Napasarap ang tulog ko kaya si Mama na mismo ang gumising sa akin.
Pagkabangon, laking gulat pagkat Alas-siete na pala. Lunes na lunes at ayaw
kong mahuhuli nanaman ngayon kaya may pagkukumahog sa pagmamadali. Malapit ng
sumapit ang Alas-nuebe ng makarating sa eskwela at habang papalapit ng silid,
nangangambang baka nahuli nanaman. Hindi nga ko nagkamali at pagkasilip na
pagkasilip, saktong nagtuturo na si Sir Jigo. Medyo nahihiya na
dahil parati na lang nahuhuli kaya napagpasyahang huwag ng tumuloy.
Nakakapanghinayang dahil nagawa nanaman lumiban ng klase at nasayang lang ang
pagpasok ng maaga. Tumungo ako ng Library at sinamantala ang
oras sa paggawa ng Assignment sa Experimental
Psychology. Habang aligaga sa pagsusulat ang pagdating naman bigla nina Potpot at James (Malilin) at
hindi na matapos-tapos ang ginagawa dahil matanong ang dalawa at nahihirapang
makapag-concentrate.
8o-m. Lalo pa ko hindi makapag-concentrate ng dumating sila Anne
Rose kayanon-stop muli sa kwentuhan at minsan ay biruan.
Hindi maiwasang masita sapagkat may oras na napapalakas ang usapan lalo na
kung Interesting at nakakatawa. Maya-maya, nagtungo na kami
sa discussion area para pag-usapan ang tungkol
sa Thesis. Hindi ko rin natunghayan ang kabuuang pag-uusap dahil
kinailangan ng umalis at may klase pa. Sa oras ng Social Psychology,
nag-take down notes lamang ng lecture at matapos
ay pinapunta kami ni Sir Ronan sa Library para
mag-research. Dahil kinapos na sa oras at minuto na lang ang nalalabi
bago ang susunod na klase, hindi na nakagawa pa ng Assignment.
8o-n. Sa oras ng Education 3, nagkaroon kami ng oral
recitation, patay nga lang dahil walang gawang assignment,
nganga tuloy ako ng tanungin at kada may nagkamali ay pinapabaybay ni Sir
Ronan ang salita sa pamamagitan ng pagkendeng. Naging makwela ang
klase dahil dun at di mapigilang ilabas ang pangil. Maya-maya, sa wakas at
breaktime na at dala na kanina pa nakakaranas ng gutom, naparami ang order ng extra
rice. Matapos at kasama
ang mga kagrupo sa Experimental Psychology, nagtungo kami ng library at
nag-usap. Katitindi din pala ng mga panelista namin, mamahalin at susyal na
pagkain pa ang nais ihandog sa kanila. Hindi man lang nila inisip ang hirap ng
buhay tapos ganun pa ang ipapabili at napakabigat sa bulsa ng perang hinihingi
ng kagrupo para sa ambagan, tumanggi ako at nagawa pang makipagtalo sa kanila.
8o-o. Sa huli, kahit ako ang leader at dahil may punto naman
sila, sila pa rin ang nasunod. Wish lang namin na ang
makabutas bulsang pagkain ang magtulak sa kanila para hindi i-reject ang
napaghirapangtitle sa darating na defense. Iyan ang
hirap sa mga kamag-aral ko, masyadong pasikat kaya sa halip na by class,
nauuwi na sa pagkakanya-kanya. Sa oras ng Experimental Psychology,
nagpatsek lamang kami ng gawang title kay Ma'am Joyce maging Statement
of the problem. Tinanggap naman yung mga title pero
nagkaroon lamang ng mintis sa Statement of the problem kaya
umulit pa kami at gastos nanaman sa pagpapaimprinta. Ilang sandali pa, matapos
ang pukpukang pagkukumahog ng utak, sa wakas at uwian na at magkakapagpahinga
na rin ang isip.
July 05, 2016
Tuesday
Year IV-187
8o-p. Naging matakaw muli sa
pagtulog kaya kalat na kalat na ang liwanag sa kalawakan ng magising. Walang
pasok ng ganitong araw kaya hindi kaagad bumangon at dinamhin ng katawan ang
komportableng kama. Pagkabangon at kain ng almusal, agaran ko ng sinimulang
ang Assignment sa Social Psychology. Sa dami ng
dapat hanapin sa internet at sagutan, mukhang malabo at hindi
makakayang tapusin ngayong araw pero tiyaga pa rin ako at di sumuko kahit
namamaltos na ang daliri sa kakasulat. Naging abala ako sa ginagawa kaya di
namamalayang tanghaling tapat na, itinigil ko muna angassignment para
mananghalian. Balak sanang ipagpatuloy, kaso umiral na ang katamaran at ibig na
ng sarili na matulog, natulog muna ako. Pagpatak ng hapon, muling bumuhos ang
napakalakas na ulan at sinabayan pa ng nagniningning pero matatalim na kidlat
at malagranadang dagundong ng kulog kaya abot langit ang aking pagkasindak.
8o-q. Sa labis na takot, nagawa ko ng magtago sa banyo at balisang-balisa
habang nagkukulong, sinasabi na sana matapos at maglaho na ang unos. Sa tagal
at lakas ng ulan, muntikan ng umapaw ang tubig sa Sapa, mabuti humupa naman
pagpatak ng gabi. Walang magawa at gawa na nababato, panonood ng telebisyon
muli ang napagkaabalahan. Dami ko talagang tawa habang pinapanood ang isang
palabas at ang saya ng gabi ko. Kahit hindi minsan magaganda at kinasusuklaman
mo ang nangyayari, kailangang manatiling masaya at nakatawa kahit kulang-kulang
ang ngipin dahil nakakatulong iyon para stay healthy. Marahil, kaya
ako sakitin sapagkat parating nagpapailalim sa lungkot at animoy di kayang
harapin at lampasan ang dumarating na pagsubok. Madali akong maapektuhan sa mga
pangyayari na di dapat at kailangan maging matatag ang loob.
July 06, 2016
Wednesday
Year IV-188
8o-r. Wala pa ring pasok sapagkat deklaradong holiday at para makiisa sa
pagdiriwang ng pagtatapos ng Ramadan ng mga Muslim,
kung kaya tinanghali nanaman ng gising. May paparating na bagyo at habang
sumisilip pa ang araw at maaliwalas ang panahon, sinamantala ang pagkakataon
para maglaba. Kakapirambot lang ang kailangang labhan kaya kaagad din naman
natapos. Walang magawa at bilang libangan, paglalaro ng Cellphone ang
siyang inatupag. Hindi naman masama ang maglibang ka sa bagay na magpupunan ng
kasiyahan, basta ganap ng nagampanan na ang mga responsibilidad na nakaatang
sa'yo. Sumunod ay pagbabantay sa tindahan ang napagkaabalahan. Medyo naasiwa at
nababastusan lang sa mga bumibili ng sigarilyo pagkat kung makahithit-buga,
walang pakundangan sa mga dumadaan at sila pa ang may ganang magtaas ng boses
kung sisitahin.
8o-s. Talamak talaga sa lugar namin ang paninigarilyo, maging mga bata,
nalululong na rin. Dapat isa sa maging panukala ng ating bagong Presidente ang
ipagbawal ang Sigarilyo para magkaroon sila ng disiplina at di makaperwisyo ng
kalusugan ng iba. Hirap din ng kalagayan kapag may problema ka sa baga, marami
kang bagay na hindi magawa dahil isinasaalang-alang ang kalagayan ng baga.
Naiintindihan ko ang dinadanas ng may ganong sakit dahil napagdaanan iyan.
Sumunod ay humiga ako sa Duyan at sarap buhay habang pinagmamasdan ang mga ulap
na malayang naglalakbay sa kalangitan at mabuti pa sila, walang nagdidikta kung
saan papatungo at hinihiling mo na sana, ulap ka na rin. Pagsapit ng gabi,
anong alinsangan ng panahon at malamok pa kaya hindi tuloy makatulog. Kakampi
iyan ng kalikasan kaya walang magawa kundi batain ang tiis. Matutong magtiis
para kaginhawaan ay makakamtan.
July 07, 2016
Thursday
Year IV-189
8o-t. Pumatak na ang madaling araw, hindi pa rin makuha-kuha ang masarap na
tulog dahil sa maalinsangang panahon at mga pesteng lamok na walang habas kung
mangagat at tila walang kabusugan sa pagpapak ng dugo. Saglit lang ang tulog ko
at dala na wala ng antok, Alas-singko pa lamang ay bumangon na ko. Naging
maaliwalas pa rin ang panahon sa kabila na may nagbabantang unos subalit kung
kailan paalis na ng bahay, biglang bumuhos ang ulan. Perwisyo iyon para sa
aking papasok pagkat madudumihan ang suot na puting uniporme at pantalon.
Saktong wala pa si Ma'am Ria pagkarating sa paaralan at ilang
minuto pa ang lumipas ng dumating ito. Sa buong oras ng Group Dynamics,
nagpalaro lamang siya. Medyo wala sa mood ngayong araw kaya di
ko magawang mag-enjoy at nawawalan ng ganang makisali. Dahil sa
kawalan ng mood, hindi na rin kumain ng aming breaktime, hindi ko
alam kung bakit ganito ang nararanasan, wala naman pinagdaraanan. Bukod pa dun
ay kinukutuban din ng di maganda.
8o-u. Sa oras naman ng Genetics, nagtalakay lamang si Ma'am
Zandra. Habang kalagitnaan na ng pagtuturo, doon ko napansin na kanina pa
walang kibo siEloisa at di rin ito nakikisama kina Gin
Rhead na dati'y halos di na maiwanan ang isa't isa. Mabigat pala ang
pinagdaraanan nito ng kanyang ipabatid at nagpasama sa akin matapos ang klase.
Wala ng klase pa sa Physics dahil may General Assembly at
sa halip na dumalo, nagtungo kaming dalawa ni Eloisa sa Fairview
Terraces. Doon niya ibinuhos ang tungkol sa nangyari sa kanilang
magkasintahan at makadurog dibdib ang kanyang ipinahayag. Kating-kati na kong
umuwi, kaso hindi ko maiwanan si Eloisa at nangangailangan ito
ng kausap. Bilang kaibigan, dinamayan ko siya at pinayuhan.
8o-v. Maya-maya, tumangis na ito kaya lalo ko pa siya hindi maiwan at naawa
ako. Paano kung sa akin mangyari ang sakit na dinaranas niya ngayon, kakayanin
kaya, lalo na't wala pang karanasan.
Kita ko sa mukha ni Eloisa ang hirap at sakit habang
kinikimkim ang ginawang pagbitaw sa kanya ng kasintahan, gusto ko sana siyang
tulungan, pero di ko alam kung papaano pagkat di pa lumalagay sa
pakikipagrelasyon. Kahit hindi pa naranasan ang masaktan dahil sa
pakikipagrelasyon, alam ko ang sakit kaya dama ko kung gaano kasakit ang
dala-dala sa dibdib ni Eloisa, naiyak na tuloy ako. Ang pagkakamali
lang kay Eloisa, todo-todo kasi ang pagmamahal na ibinigay niya sa
tao kaya ngayon, nag-uumapaw na sakit ang tinatamo ng mabigo ito.
8o-w. Kung wala ng pag-asa, maiging hiwalayan na pero naiintindihan ko si Eloisa kung
mahirap sa kanyang gawin iyon, apat na taon ba naman naging sila't minahal pa
niya ng higit kaysa sa kanyang buhay. Nahimasmasan naman siya kinalaunan at sa
halip na umuwi, sinamahan ko pa siya sa Saint Peter Church para
magdasal. Natutuwa naman ako dahil natanggap na rin niya na wala na sila at sa
akin ibinahagi ang nararanasan niya. Mabuti't di siya hangal sa pag-ibig, kung
hindi baka masiraan na ng bait sa sakit. Habang nasa Simbahan at kahit wala
naman pakay, nagdasal na rin ako para mabawas-bawasan ang kasalanan. Matapos ay
saka lamang kami umuwi at Diyos na ang bahala sa kanyang pinagdaraanan.
Kinagabihan, ang pagbuhos muli ng malakas na ulan. Sarap matulog kung umuulan
pero minsan, di ka mapanatag dahil baka paggising mo, lubog na pala sa baha.
July 08, 2016
Friday
Year IV-190
8o-x. Magdamag na bumuhos ang malalakas at pabugso-bugsong ulan dahil sa Hanging
Habagat na pinaigting ng Bagyong Butchoy, ang resulta,
masaya nanaman ang mga tsikiting dahil suspendido ang klase at lubog nanaman sa
baha ang malaking bahagi ng Metro Manila. Malapit ng pumatak ang
Alas-siete ng ako'y magising at kita kung gaano kadilim ang kalawakan. Wala na
rin patid ang pagbuhos ng ulan, katamad tuloy bumangon at gusto parating
nakahilata. Hindi naman makalabas ng bahay at dahil medyo nababato, gawaing
bahay ang inatupag ko. Matapos ay naisipan kong buksan ang telebisyon, lagpas
tao na ang baha sa ibang lugar na mabababa at malapit ng malubog ang mga
kabahayan. Pasalamat na lamang na sa kabila na walang patid ang ulan, hindi
naman nababaha.
8o-y. Taon-taon na lang at sa tuwing panahon ng tag-ulan, perwisyo ang baha
at pagguho ng mga lupa. Kung may disiplina lang tayo at di saan-saan nagtatapon
o di kinakalbo ang mga kabundukan, hindi sana magiging kalbaryo ito sa tuwing
may bagyo at panatag tayong mamumuhay. Marahil ay ngitngit iyon ng inang
kalikasan sa ating kapabayaan kung bakit nangyayari ito. Humupa naman ang ulan
pagpatak ng hapon hanggang gabi kaya ang mga pagbaha, hindi naman nagdulot ng
malaking pinsala. Ang lamig ng panahon na siyang nagbigay sa aming pagtulog.
July 09, 2016
Saturday
Year IV-191
8o-z. Nanatili pa ring maulan ang panahon subalit hindi naman kalakasan gaya
ng kahapon kaya tuloy pa rin ang klase. Kainis, hindi pa itinudo ng Habagat ang
pagpapaulan para sunod-sunod na ang araw na walang pasok subalit maigi na rin
iyon para hindi na lumawak pa ang pinsala at wala ng masawi. Pagdating sa
paaralan, manlaki halos ang mata sa gulat dahil magkakaroon pala ng quiz sa
Group Dynamics, paspasan ang aking pagrerepaso habang wala pa ang
presensiya ni Ma'am Ria. Makailang saglit pa ng pumasok si Ma'am at
todo pakiusap kami na iurong sa susunod na pagkikita ang maikling pagsusulit
subalit tuloy pa rin. Swerteng napabilang ako sa Second batch kaya
lumabas muna kami upang magbigay daan sa pagsusulit ng ibang kamag-aral. Panay
ang aking pagsasaulo, hindi naman napasok sa utak kaya ang resulta, lagagpak na
marka ang natamo.
8p-a. Abot-abot tuloy ang aking pagkadismaya at sa halip na itago ang papel,
itinapon na sa basurahan. Hangga't may pagkakataon, maaari pang makabawi. Halos sikmuraan na
sa tindi ng gutom kaya hindi na nagawa pang maghigpit ng sinturon at kumain.
Walang magawa at masyado pang mahaba ang bakanteng oras kaya naisipang bumirit
sa karaoke. Panay ang pangungulit ng kasamahan ko na kumanta, kaso nanaig ang
hiya pagkat naririyan si special someone, hindi ko tuloy sila
mapagbigyan. Kung pinagkalooban lang ng magandang tinig, maipaparinig ko sana
sa kanya at doon may tiyansang magustuhan niya rin ako kaso hanggang pangarap
na lamang. Ayaw kong umasa ng lubos dahil batid na matinding sakit ang
sasagupain ng dibdib. Ilang sandali pa't kasama sila Mary, tumungo
na kami ng silid.
8p-b. Wala si Ma'am Zandra subalit may isang professor naman
ang namahala sa aming klase at nagkaroon lamang ng activity. Hindi
kami pamilyar sa mga tanong at mukhang hirap sagutin kaya naisipan naming
magtungo sa Library para mag-research at doon
sagutan ang Activity. Tila nanamlay ako at tinatamad na kaya hindi
na nagawa pang pumasok sa sumunod na klase. Diretso tulog ako pagdating ng
bahay. Saka lamang nanumbalik ang sigla ko pagkagising. Medyo
sinisipag-sipag na ngayon kaya nag-aral ako at ipinagpatuloy gawin ang takdang-aralin
sa Social Psychology. Sa dami talaga ng kailangan sulatin, inabot
na ko ng gabi. Pagod na rin ang mga daliri at halos magkapaltos na nga kaya
napagpasyahang ipagpabukas na lamang. Hindi pa dinadalaw ng antok kaya
naisipang libangin ang sarili sa paglalaro ng Cellphone.
Malalim-lalim na ang gabi kaya tumulog na ko.
July 10, 2016
Sunday
Year IV-192
8p-c. Araw ng Linggo at maliwaliwanag na sa labas ng magising at
bumangon. Bukas pa isasagawa ang defense namin para sa title ng thesis pero
hindi na mapigilan ang kaba't palakas pa ng palakas habang iyon ay papalapit.
Haharap nanaman sa ganung pagkakataon at sana'y mairaos ng maayos.
Pagkaalmusal, kaagad ko ng nagbantay sa tindahan. Dahil Linggo at maraming mga
tao ang nasa bahay, naging malakas ang bentahan, mapaalak o sigarilyo at suki
ang mga kabataang tambay at lango sa masamang bisyo. Natutuwa ako dahil sa
kabila na madalas pagalitan at minsan may pagkamatigas ang ulo, hindi ako
natulad sa kanila na tila hindi na hangad ang magandang kinabukasan. Pagkatapos
at dahil may pagsusulit pala sa Guidance and Counseling at
gusto ma-impress si Special Someone, tahasan akong
nagrepaso.
8p-d. Mukhang kailangan ng uminom ng suplemento ng tumalas-talas naman ang
pag-iisip at hindi kalawangin, sa totoo lang ay nahihirapan ako sa
pagkakabisado at pag-intindi, parang walang pumapasok ang inaaral. Iba na
talaga kapag nasa kolehiyo ka, mahirap at puro stressful activity ang
kakaharapin. Minsan lamang ito
maganap sa buhay kaya kakayanin. Isang oras ng nagrerepaso, wala pa ring
pumapasok, medyo tinatamad na ko at nagsisimula ng sumakit ang bungo kaya
itingil na ang pagsusunog-kilay. Wala naman ibang gagawin kaya assignment sa Social
Psychology ang pinagkaabalahan.
8p-e. Matapos ang ilang araw na tila hindi matapos-tapos ang takdang-aralin
sa dami, sa wakas ay natapos ko na rin. Tanghaling-tapat na pala kaya oras
nanaman para mananghalian at halabira ang bibig sa pagtanggap ng isusubo't tila
lubos na ginutom ang sikmura sa sangkatutak na takdang-aralin. Pagpatak ng
hapon, muli akong nagrepaso. Nakakatuwa sapagkat may pumapasok na sa utak atgoodluck bukas
sa aming pagsusulit, sana mataas ang makuha ko o kung pwede ay maperpekto.
Diyos na rin ang bahala sa Defense namin bukas at huwag sana
niya kaming pababayaan.
July 11, 2016
Monday
Year IV-193
8p-f. Lalo pang lumubha ang kabang kahapon pa namamayani sa dibdib, ngayon na
hahatulan na ng mga panelista ang gawang title kung
karapatdapat pa bang ipagpatuloy o kailangan ng baguhin at ibasura. Kinakabahan
ako sa kung anong pwedeng mangyari mamayang defense. Kahit
kabadong-kabado, positibo pa rin ako't tiwalang walang maaprubahan ang aming
mga title. Inagahan ko sa paggising para makapaghanda ng isusuot,
dakong Alas-otso na rin ng makarating sa paaralan at habang hindi pa
nagsisimula ang klase, sinamantala ang nalalabing oras para makapagrepaso
sa Guidance and Counseling. Ilang saglit pa at habang abala sa
pagrerepaso, nagsidatingan na ang mga kamag-aral sa Dash 1.
Magkahalong tuwa at dismaya ang naramdaman ko ng ianunsyo ni Sir
Jigo na hindi matutuloy ang pagsusulit at magdo-drawinglamang
kami. Ano ba 'yan, halos masiraan na ng tuktok sa kakarepaso, hindi pala
matutuloy. Kainis at sayang, hindi ko man lang naipamalas kay Sir Jigo na
ganun ako kaseryoso sa Subject niya.
8p-g. Wala kaming ginawa sa buong oras niya kundi i-drawing ang
talambuhay namin at hindi iyon biro sa akin sapagkat hindi biniyayaan ng
angking galing sa pagguhit. Kahit hirap na hirap at napapangitan na sa
ginagawa, hindi ako sumuko at nagpatuloy pa rin, kaso hindi naman natapos
pagkat kinapos na sa oras. Sa oras naman ng Social Psychology,
nagkaroon kami ng activity at iyon ay hahanap ng article na
may kaugnayan sa subject sa pamamagitan ng dyaryo. Hindi agad
ako makapagsimula sapagkat walang dalang gunting at matapos ang activity,
kakapirambot lang na article ang nagugupit. May natitira pang
oras kaya nakapagturo pa si Sir Ronan at ilang saglit pa,
labasan na.
8p-h. Sa
oras ng Education 3, nag-take down notes lamang kami
ng lecture na naka-present sa dingding. Kinalaunan
ay medyo tinamad na kaya sa halip na magsulat, kinuhaan na lang ng litrato para
hindi aksaya sa oras. Napipinto na ang aming title defense kaya
habang may nalalabi pang oras, nagpulong na kami para pag-usapan ang gagawin at
sasabihin. Habang lumilipas ang sandali ay patindi na ng patindi ang
dala-dalang kaba sa dibdib at parang sisilaban sa puwet. Kung may gamot lang
para maging confident ka, nilulon ko na para hindi na
hihiya-hiya't kaba pa.
Pagsapit ng Alas-tres ng magsimula na ang defense at
sina Ma'am Ria, Sir Jigo, Sir Barrion, Sir
Ronan, Sir Juangco at Ma'am Joyce ang
mga panel. Nagsama-sama ang halos lahat ng mga Psychology Professor kaya
doble-doble na ang kaba ng bawat isa.
8p-i. Mabuti't hindi kami una pero pangalawa na sasalang sa defense kaya
nagkaroon pa ng pagkakataong ihanda ang kanya-kanyang sarili at nagawa na nga
naming magdasal. Nang kami na'y nilakasan na ang loob sa pagharap sa mga
mapupusok ng panels. Napalitan ng abot langit na tuwa ang kaninang
kabado sapagkat walang ni isa sa aming title ang na-reject at
hindi naman nagtagal ang pagsalang namin sa defense. Laking
pasalamat sa panginoon dahil sa kanya, naging matagumpay ang aming unangdefense at
dininig niya ang panalangin. Matapos ay lumabas na kami at sa halip na umuwi,
bilang pagsasaya ay nag-picture taking kami. Halos maubusan na ng
memory ang cellphone sa dami ng litrato. Umuwi akong parang nasa alapaap ang
pakiramdam at sana magtuloy-tuloy ang magandang nasimulan hanggang sa
pagtatapos.
July 12, 2016
Tuesday
Year IV-194
8p-j. Hanggang ngayon nasa alapaap pa rin ang pakiramdam matapos ang nangyari
kahapon na hindi akalaing magaganap kaya may kaginhawaan sa dibdib na bumangon
at tila nakangiti ang umaga sa akin. Pagkatapos lamnan ang sikmurang magdamag
na walang laman, gawaing bahay muli ang napagkaabalahan ngayon na walang pasok.
Matapos ang ilang araw na maulang panahon at makulimlim, ngayon lamang
nagpakita ng lubusan ang araw na tila inahahalintulad na ang buhay, kahit puro
pighati at pagdurusa ang pinagdaraanan, kahit puro kadiliman ang binabagtas na
tipong wala ng pag-asang masilayan ang liwanag, may hangganan din at makakamtam
ang buhay na maaliwalas.
8p-k. Kung kaya kapag may pagsubok, hindi dapat mawalan ng pag-asa, kasi
mabait ang Diyos at hindi niya hahayaan na habang buhay mong dadanasin ang
pagdurusa at tutulungan ka pa niya para malampasan iyon. Dahil sa pagkukumahog
at sipag, kaagad din naman natapos ang gawaing bahay. Walang magawa kaya
paglalaro ng cellphone ang inatupag. Kapag naadik ka sa isang
bagay, mahirap ng pigilan kahit sabihing ayaw mo na. Sa sobrang pagkaadik sa paglalaro, di
namalayang tanghali na't kailangan ng kumain. Maiging ganito ang kinaadikan,
huwag lang sa alak, sigarilyo at lalong-lalo sa droga. Kinagabihan ay nagpuyos
bigla ang damdamin ng mapanood sa balita ang tungkol sa agawan ng teritoryo
ng Pilipinas at China sa West Philippines
sea.
8p-l. Suwapang din ng mga Intsik na 'yan at sinabing hindi kikilalanin ang
anumang hatol ng International arbitral tribunal tungkol sa
usaping teritoryo. Nakakangitngit sa inis at hindi porket mayaman sila at
malakas ang hukbo, kinakayan-kayanan lang tayo at sila pa ang may ganang
pagbawalan tayo na mangisda o lumapit sa mga isla, samantalang atin naman iyon.
Masyado silang sakim at mapang-abuso. Panahon na para palayasin ang lintik na
mga Intsik sa West Philippine Sea na dalawang
dekada ng nanakop. Bigyan sana ng lakas ng loob para mapagtagumpayan natin ang
hakbang. Tayo ang nasa tama kaya malaki ang tiyansang mananaig.
July 13, 2016
Wednesday
Year IV-195
8p-m. Nahihirapan pang imulat ang mga mata at pagkagising, malapit na palang
pumatak ang Alas-siete kaya agaran ng nag-almusal at bihis. Kahit mukhang
mahuhuli ng dating dahil matrapik ay hindi naman naganap ang aking
pinangangambahan. Habang wala pa si Sir Jigo, naging maingay at
magulo ang buong klase, walang magawa kaya Selfie muna kasama
sina Joan. Saka lang nagsitahimik pagkapasok ni Sir. Ngayong araw
pala ang Sharing tungkol sa kanya-kanyang naging karanasan
kaya di na mapigilang kabahan at nahihiya ako. May masaya at nakakatuwa habang
isa-isang nagkukwento subalit ang ilan sa kamag-aral, naging emosyonal at
parang MMK at Magpakailanman ang napagdaanan
nila kaya maging kaming tagapakinig, napapaiyak na. Sa dami namin ay tila hindi
makakapaglahad ang lahat dahil kakapusin sa oras at malabo ng matawag pero
nagkamali ako at kumabog pa lalo ang kaba ng tawagin ni Sir Jigo at
lakas loob na hinarap ang mga kamag-aral maging siya at nagkwento.
8p-n. Kahit hindi maganda ang naging nakaraan, walang hiyang isiniwalat sa
kanila at sana lang ay hindi magbago ang tingin nila sa akin lalong-lalo na si
Sir matapos kong magkwento. Pagkatapos at sa halip na gumaan ang loob at
guminhawa, tila may pagsisisi sa mga nasabi. Nagpakatotoo lang naman sa kanila
pero bakit nararamdaman ang ganito, parang nangangamba. Pakiramdam ko, nabago
na marahil kung ano ang tingin sa akin ni Sir, sana magkamali ang kutob ko.
Inaamin ko, walang hiya dati, salbahe, tarantado, hindi marunong gumalang at
mahilig manakit ng kapwa, pisikal man o emosyon pero nagbago na ko at natuto
matapos ang mga di magagandang nangyari.
8p-o. Parang ang lungkot at wala ka ng ganang mabuhay kapag unti-unti ng
lumalayo ang taong malapit sa'yo at takot ng maranasan iyon muli kaya
nag-iingat na sa mga inaasal at nagpapakabait, kaya lang minsan, hindi ko
maiwasang makipag-away kung may taong nang-aagrabyado sa akin at niyuyurakan
ang pagkatao. Digital ang karma at tanggap ko na kaya marahil
binu-bully, dahil nambu-bully rin dati. Nawala na ang aking
hiya kaya naparami ang kinuwento. Kinapos na talaga sa oras kaya di lahat ay
nakapaglahad. Sa oras ng Social Psychology, nagturo lamang si Sir
Ronan at matapos ay nagkaroon ng activity, medyo kinapos
na sa oras kaya laking tuwa ng ginawang assignment.
8p-p. Sa oras naman ng Education 3 at dahil si Sir
Ronan din ang professor, ganun din ang aming activity at
iyon ay gumawa ng pagsusulit. Maya-maya'y isa-isa niya kaming tinawag para
magtanong at kung magkamali sa sagot, mahalay na parusa ang kakaharapin dahil babaybayin
mo ang salitang ipapabaybay sa pamamagitan ng pagkendeng. Tawanan muli ang
buong klase at ang saya. Ilang sandali pa, sa wakas ay breaktime na.
Sa oras ng Experimental Psychology, wala si Ma'am Joyce subalit
humalili naman sa kanya si Sir Juangco. Nagkaroon lamang kami
ng experimental activity at matapos ay maagang pinauwi.
Malapit ng gumabi ng makarating sa bahay at balak sanang manood ng telebisyon,
kaso pumigil ang nagbabadyang sungit ng panahon.
July 14, 2016
Thursday
Year IV-196
8p-q. Pagputok ng liwanag ay hindi naging madali ang idilat ang mata dahil sa
namamayaning antok. Inaantok man, nilabanan ko naman at tahasang bumangon.
Dakong Alas-otso na ng makarating sa paaralan at saktong nakapasok na si Ma'am
Ria. Sa oras ng Group Dynamics, nagpalaro lamang ang
aming kamag-aral. Masaya at nakakalibang, pero kailangang matalas ang isip
dahil lalagyan mo ng adjective ang pangalan habang
nagpapakilala at uulitin mong bigkasin isa-isa ang pangalan na mga nauna
sa'yo with adjective at oras na magkamali o makalimutan ay
matatanggal. Nang ako na ang magpapakilala'y halos mayanig ang buong silid ng
magsitawanan ang mga kamag-aral maging si Ma'am Ria.
8p-r. Sa halip na mapahiya, natutuwa ako dahil napatawa ko sila at plinano ko
talaga iyon, hindi naman pumalpak bagkus ay pumatok pa nga't yung ilan ay
parang tinatakasan na ng bait. Lalo pang sumaya ang laro dahil sa akin subalit
hindi naman pinalad pagkat kaagad na natanggal. Pagkatapos ay hindi muna kami
lumabas para pag-usapan ang ilalatag na palaro. Maya-maya'y umalis na kami
kasama si Ma'am Ria at pagkalapag ng gamit niya sa may Faculty
Room ay laking tuwa ng makitang nakahilera sa mga gamit ni Ma'am
Trisha ang iniregalo sa kanya. Nakakataba ng puso dahil pinahalagahan
niya at iningatan ang regalo ko. Sa tuwa'y ibig ko sana siyang pasalamatan pero
wala ito. Sa oras naman ng Genetics, pumasok na rin si Ma'am
Zandra at nagturo tungkol sa Monohybrid at Dihybrid.
8p-s. Madali ang monohybrid at sisiw sagutan pero pagdating
ng Dihybrid, doon na darating sa puntong malilito ka at maaring
magkamali dahil patong-patong na ang ibinigay na traits at
nakakabuwang kung iintindihin. Marami pa dapat ituturo si Ma'am Zandra subalit dismissal
time na. Sa oras naman ng Physics, nagturo lamang si Ma'am
Pebenito at matapos ay nagkaroon ng seatwork. Mabuti na
lang at naalala ko pa ang tamang pag-solve sa bawat problem kaya
hindi naman halos mangamote. Maaga kaming pinauwi ni Ma'am Pebenito.
Kinagabihan at dahil sumasakit ang ulo, hindi na nagpakapuyat pa at agad na
natulog.
July 15, 2016
Friday
Year IV-197
8p-t. Wala nanaman pasok at araw para magpahinga subalit hindi magagawa
sapagkat maraming dapat gawin at ayaw kong mag-aksaya ng oras na hinahayaang
mabukbok ang sarili sa kakaupo. Pagkagising at matapos mag-almusal, kaagad ko
ng sinimulan ang takdang aralin sa Social Psychology. Sa tana ng
buhay bilang estudyante ay ngayon lang nagkaroon ng assignment na
gagawa ka ng pagsusulit at iyon ay sangkaterba. Hindi ko akalain na mahilig
pala magpagawa ng ganun si Sir Ronan at dalawang subject ko
pa ito guro kaya parehong subject ang gagawan ng pagsusulit at
sa totoo lang, nai-stressna ko. Ang malas ko talaga at dahil sa
pagiging pangahas, nangyayari ang ganito sa akin.
8p-u. Nakaiwas nga kay Sir Barrion na mahilig magpagawa
ng Thesis pero ito naman ang kinakaharap. Pinili ko ito kaya
dapat lang panindigan at pasasaan pa't makakaraos rin. Saka ko lang itinigil
ang paggawa ng pagsusulit ng maubusan ng baterya ang Cellphone sa
kaka-type. Umalis si Mama para bumili ng gamot kay Papa na ngayon ay
iniinda ang rayuma kaya ako muna ang namahala sa tindahan. Magkahalong inis at
pagkabagabag ng konsensiya ang nararamdaman sa tuwing nagbebenta ng sigarilyo.
Hindi ba sila naaawa sa sarili na sa araw-araw na ginawa ng Diyos, parating
nakakalasap ng usok ang baga't unti-unti nila itong sinisira. Sa totoo lang,
ayaw ko na silang pagbentahan ng Sigarilyo pero hindi magawa dahil hindi ako
ang may ari ng tindahan. Kung ako magkakaroon ng tindahan, hindi ko nanaisin na
magtinda ng bagay na nakakasama sa katawan gaya ng alak at sigarilyo.
8p-v. Kumikita ka nga, namiminsala ka naman ng kalusugan. Pagpatak ng
tanghaling tapat ay tagaktak muli ang pawis dahil sa maalinsangang panahon
subalit bumuhos naman ang ulan pagsapit ng hapon. Sinabayan pa ng pagkulog at
pagkidlat kaya umatake nanaman ang pagiging Astraphobic. Sa takot,
pagpawisan na ng labis. Ginhawa sa dibdib ang nakamtan matapos ang Thunderstorm at
saka lamang lumabas mula sa pagtatago. Hirap pala ng ganito na may kinakatakutan
ka at nagmimistulan ng Abnormal sa kinikilos. Kinagabihan ay
ipinagpatuloy kong gawin ang pagsusulit sa Social Psychology. Medyo
sinisipag ngayon kaya balak na sanang tapusin para isang subject na
lang bukas pero mukhang di kakayanin sa dami at isa pa, lumalalim na ang gabi
at may pasok pa bukas kaya kailangan ng magpahinga.
July 16, 2016
Saturday
Year IV-198
8p-w. Kakasikat pa lamang ng bukangliwayway at kahit hirap pang
imulat ang mga mata dahil di pa lubusang napaparam ang namamayaning antok, kailangan
ko ng bumangon para sa pagpasok. Habang nasa biyahe at kasing lalim ng balon
ang naglalaro sa isipan ay saktong nakasabay si Gin Rhead, nonstopmuli
kami sa kwentuhan. Pagkarating ay saktong naroroon si Ma'am Ria.
Hindi agad makapagsimula sa palaro dahil nagkaroon ng aberya at habang hindi pa
nagsisimula at nakatingin sa kawalan si Ma'am Ria na
nagsisimula ng taasan ng kilay sa pagkainip, inasikaso muna namin nina Joy at Rodrigo ang
aming ipapalaro. Nagsimula naman ang palaro kinalaunan subalit magulo ang
kanilang instruction, nakakawalang gana na tuloy sumali at di ka
makapag-enjoy dahil sa naguguluhan. Hindi muna kami umalis nina Joy para
magpakonsulta kay Ma'am Ria at tuwa sa dibdib ang naranasan ng
agad nitong aprubahan.
8p-x. Sa oras ng Genetics, hindi pumasok si Ma'am Zandra kaya
kaming magkakaibigan, on the go sa paglalalwatsa. Tinatamad na
kong pumasok kaya ibig ng umuwi subalit hindi natuloy ang balak ng makita nina Anne
Rose, pumasok pa rin kahit labag man sa kalooban. Hindi raw makakapasok
si Ma'am Pebenito subalit humalili naman sa kanya na kung
titingnan ay bata-bata pa't mukhang sinasanay pa lang maging guro. Nagkaroon
lamang kami ng activity subalit di alam ang gagawin kaya di
agad makapagsimula at umaasa na lang sa sagot ng kamag-aral. Nakakainis lang
dahil yung teacher na humalili kay Ma'am, walang alam sa subject na
hawak nito, di sana kasing husay ni Ma'am ang pumalit. Maya-maya pa at dahil
wala naman halos gagawin, maaga kaming pinalabas.
8p-y. Sa halip na diretso sa pag-uwi, tumungo pa ko sa silid kung saan
nagklaklase sila Mary at saktong papalipat na ang mga ito ng
kabilang silid. Wala pa talagang balak umuwi kaya naisipang maki-sit-in sa
kanila. Tamang kwentuhan at lokohan kami nina Eloisa habang
wala pa si Sir Jigo. Ang saya talaga araw kapag kapiling sila
subalit di lamang minsan maiwasang maasar kapag nili-link ako
kay Jed at parati nilang ginagawa iyon sa tuwing nagtatagpo
kami. Akala naman nila, talo kaming dalawa. Dati na kay Sir Jigo ang
pagpintig ng puso pero habang tumatagal, parang unti-unti ng nawawala.
Kay Jed naman, kapag nagkikita kami ay parang kumakabog sa
kilig ang dibdib at nahihiyang makiharap sa kanya na dati naman ay wala lang.
Lalo pang nahuhulog sa kanya sa tuwing pinupuri niya ko o binibiro-biro.
8p-z. Nakakaramdam pa rin ang puso kay Sir Jigo sa tuwing
masisilayan ito pero hindi na sintindi gaya ng dati. Ngayong tila nagbabadya
ang nararamdaman kay Jed, ngayon ko lang na-realize na
ganun pala siya kagwapo kung pagmamasdan, kaya nga ito sumali sa pageant at
nanalo. Patuloy nila akong nili-link kay Jed samantalang
itong si Jed na kasama namin, apaw na apaw ang pagngisi habang
ako'y kanilang pinagkakatuwaan. Natigil ang aming kwentuhan at katuwaan ng
pumasok si Sir Jigo. Nakakatuwa naman ang ipinagawa niya sa kanila
at iyon ay ibabahagi mo sa iyong katuwang ang naging karanasan mo. Sana,
ipagawa niya rin iyon sa amin. Dahil sit-in lang ako, kaya di
nakiisa sa pinapagawa't nagmukmok mag-isa.
8q-a. Tumagal ng isang oras ang sharing nila ng experience sa
isa't isa samantala ako, nakatulala lang at walang kausap. Balak sanang kibuin
si Sir Jigo, pero hindi magawa pagkat nahihiya. Kating-kati na ang
dila na magsalita kaya ng matapos sila Eloisa na magkwento,
napakwento rin ako kahit di kasali sa kanilang activity. Masarap at
magaan sa loob kapag nailalabas mo ang nangyari sa'yo at gusto mong sabihin.
Ilang sandali pa, dismissal time na rin. Diretso tungo ako
sa Computer shoppagkauwi ng bahay. Kinagabihan, paggawa ng
pagsusulit muli ang inatupag. Lumalalim na ang gabi at medyo bagsak na ang mata
sa antok, kaya napagpasyahang ipagpabukas na lamang. Hindi pala biro ang maging
guro kapag gagawa ng pagsusulit at kailangan ng sigasig para matapos.
July 17, 2016
Sunday
Year IV-199
8q-b. Halos dalawang oras na ang nakakaraan matapos sumikat ang araw ng
magising at bumangon. Medyo walang magawa ngayon at nakakabato kaya naisipang
maghugas ng plato at magwalis-walis. Matapos asikasuhin ang gawaing bahay,
ipinagpatuloy kong gumawa ng pagsusulit. Napakarami ng dapat isulat at dalawang
subject pa, halos mangalay na ang daliri sa kakakulwit pero nagawa pa ring
kayanin at pinagsumikapang matapos. Dahil sa aking pagsusumamo, sa wakas at
natapos ko na rin ang pinapagawang pagsusulit at ililimbag na lamang.
Mugtong-mugto ang mata sa antok kaya nag-beauty rest muna ako
para stay young and pretty at hindi haggard.
Napasarap ang aking tulog kaya dakong hapon na nagising. Kahit mistulang uling
ang himpapawid sa dilim at nagbabadyang dumating ang unos ay tumungo pa rin
sa Computer shoppara magpalimbag. Kung kailan naman naglalakad ay
saka naman biglang bumuhos ang ulan at sinabayan pa ng hangin kaya halos
liparin na.
8q-c. Mabuti na lamang at malapit na ko kaya di naman nababad ang sarili sa
ulan. Nang makapagpalimbag, umiral ang tuwa sa dibdib at pwede na muling
magbuhay alamang. Dumaan pa ko sa bahay nina Aldrian pagkat
may hihiramin ako subalit abala ang mga ito sa pagbibihis, hindi na itinuloy pa
ang balak. Pagkadating ng bahay at habang hindi pa tuluyang namamatay ang
liwanag, namalantsa muna. Pagpatak ng gabi at dahil wala muling magawa,
panonood ng telebisyon ang inatupag. Nakakabahala lang isipin na sa paglipas ng
panahon, tumataas ang bilang ng mga namamatay dahil sa operasyon laban sa droga
at mukhang mababawasan ang Populasyon ng Pilipinas. Kahit
nakakabahala ay mainam na rin iyon para matakot ang mga masasamang loob na
gumawa ng katarantaduhan at maging ligtas ang bawat isa sa atin. Sana, hanggang
ganito na lang ang maipapatupad ng ating bagong Pangulo at huwag ng humantong
sa Batas militar.
July 18, 2016
Monday
Year IV-200
8q-d. Tipong hindi pa ibig imulat ang mga mata dahil namumugto pa sa antok at
nakakatamad ang bumangon subalit kailangang labanan ang katamaran para makamtan
ang kinabukasang naghihintay. Magkakaroon pala ng pagsusulit sa Guidance
and Counseling kaya inagahan ko sa pagpasok para magkaroon ng oras na
makapagrepaso. Pagkarating, nadatnang wala pa si Sir Jigo kaya
ang ingay, patuloy na bumabalot sa buong silid. Hindi tuloy makapag-aral ng
maigi dahil distraction ang ingay. Maya-maya pa'y pumasok na
si Sir, tuloy na tuloy na talaga ang pagsusulit kahit anong pakiusap subalit
binigyan naman ng oras na makapag-aral. Kanina pa ko nagrerepaso at saulo,
walang pumapasok sa tuktok at sadyang mahina ang kukote. Minuto pa ang lumipas,
nagsimula na ang maikling pagsusulit. Nagrepaso ako pero nangangamote pa rin at
sa hirap, halos wala ng maisagot, ang resulta'y wala pa sa kalahati ang
natamong marka at nakakadismaya.
8q-e. Matapos ang pangyayaring ganito'y wala ng mukhang maipapakita kay Sir
Jigo. Pagkalabas ay laking taka ko kung bakit biglang nag-iba ang
pakikitungo sa akin nina Trisha Jane at Glenn,
marahil ay may hinanakit sa akin at inalam kung bakit. Nagulat ako ng ipabatid
ni Trisha Jane na hindi nito naibigan ang biro ko sa kanina.
Sa kanyang ipinapakita, mukhang nasaktan ko ito ng lubos. Ayaw ko na magkasira
ang aming samahan kaya humingi ako ng tawad subalit pilit itong lumalayo sa
akin at mukhang masamang-masama ang loob sa akin, inintindi ko lang siya. Sina Mika, Joan at Glenn naman,
todo pangaral sa akin at ipinabatid na may pinagdaraanan daw si Trisha
Jane. Sa sobrang pagka-guilty ko, nagawa ko ng hilingin na sana ako
na lang ang nasa kalagayan ni Trisha Jane para mapatawad
niya ko. Minsan lang ako magbiro, nakasakit pa ng damdamin. Labis akong
nakokonsensiya sa nasabi ko sa kanya kaya napaiyak na ko. Sana mapatawad niya
ko at di ko intensyon na saktan ang kanyang damdamin. Pagkatapos naming
mag-usap ay tumungo na sa silid.
8q-f. Sa oras ng Social Psychology, nagtanong lamang kami sa
kamag-aral na galing sa ginawang pagsusulit at kapag nagkamali, baybayin mo ang
salitang ipapabaybay sa'yo ni Sir Ronan sa pamamagitan ng
pagkembot. Nakakarumi lang pagmasdan dahil sa tuwing pinapagawa niya iyon sa
amin, nagmumukhang katawa-tawa at nilalahay niya kami sa kahihiyan. Sobra
si Sir Ronan at di akalaing napakalibog niya, lumabas muna ako
dahil hindi na naiibigan ang ipinapagawa niya. Pagkabalik, lintik dahil lahat
ng di natawag gaya ko ay haharap sa pader sabay kekembot. Tawanan ang mga
kamag-aral habang ginagawa namin iyon. Palagay ko, hindi na tama iyon at para
ng sumasailalim sa pornography.
8q-g. Mas malala pa nung Education 3 dahil bukod sa haharap
ka sa pader, haharap ka rin sa kamag-aral na nakalagay ang dalawang kamay sa
pader at sabay kekendeng, minsan dibdib ang igagalaw. Nagmumukha na talaga
kaming pokpok sa ipinapagawa ni Sir Ronan at napansin ko sa
klase niya, puro kahalayan at kabustusan ang ganap. Nang dismissal time na,
sa wakas at nakaahon na rin ang sarili sa kahihiyan at grabe ang professor na
iyon, matindi ang init sa katawan at mas malala pa kay Sir Barrion.
Sa oras naman ng Experimental Psychology, nagkaroon kami ng Experimental
activity. Kaagad din naman natapos ang activity at habang
abala si Ma'am Joyce sa pagiging panel sa
ibang dash at dahil walang magawa, naging magulo ang buong
klase. Saka lang nanumbalik ang katahimikan ng pumasok si Ma'am
Joyce at nagturo. Pagkauwi sa bahay at dahil pipi na ang bituka sa
labis na gutom, pagkain agad ang napagdiskitahan.
July 19, 2016
Tuesday
Year IV-201
8q-h. Ngayong araw ang
aming conduction sa Senior High school para
sa Experimental Psychology kaya maaga pa lamang ay mulat na
ang mga mata. Dakong Alas-nuebe na nakarating ang yapak sa paaralan at saktong
naroroon na sina Anne Rose na abala sa pagpapalobo na
gagamitin sa palaro. Maya-maya pa'y tumungo na kami kung nasaan si Sir
Chad na teacher ng Senior high na
pagdarausan ng palaro. Medyo bata-bata pa ang guro na kanilang kinausap
at mukhang baguhan, mga babae pa man din ang mga kagrupo kaya nauwi sa harutan
at lokohan, hindi agad makapagsimula dahil dun. Isang oras na naghihintay, inip
na inip na ko samantala ang kasamahan, libang na libang kay Sir Chad.
Paano sila hindi lalandi niyan kung si Sir Chad, maharot. Makalipas
ang halos isang oras na paghihintay, tumungo na rin kami kung saan nagtuturo si
Sir. Hindi agad kami makapasok dahil pinangunahan ng hiya pero lakas loob na
hinarap ang mga Senior High at nagpakilala. Una ay nagpagawa
muna kami ng Activity.
8q-i. Tahimik, walang kabuhay-buhay at halos lahat ay hindi nakikipag-participate,
marahil ay nababagot. Pero ng palaro na ng putukan ng lobo, biglang sumigla ang
buong klase at di na maiwasang maggitgitan at balyahan ang mga estudyante
habang nakikipag-unahang mapaputok ang lobo. Animoy nanalo sa lotto ang
tuwa sa mukha ng bawat isa sa kanila ng makakuha ng papremyo. Matapos ang
saglitan pero nakakaaliw na palaro, kaagad na kaming nagpaalam sa kanila. Bago
umuwi ay tumungo muna sa Cashier Area para magbayad ng
matrikula. Hindi naman gasinong kahaba ang pila kaya kaagad na nakapagbayad.
Inabutan na ng tanghaling tapat ng makarating sa bahay at sa pagod, kaagad
akong natulog.
8q-j. Pagkagising at dahil nababato't ayaw maging bukbukin, naisipan kong
magbantay sa tindahan. Habang nagtitinda'y maya't maya ang nauulinig na kulog
kaya umuusbong nanaman ang takot at magsasaboy muli ang kalawakan ng milagrong
tubig. Hindi naman natuloy ang ulan kaya ang resulta, dama pa rin ang
maalinsangang panahon. Pagkatapos ay inasikaso na ang takdang aralin sa Education
3. Nabablangko ako ngayon na di malaman ang dahilan kaya nganga at halos
walang maisulat. Medyo tinatamad na kaya hindi na nagawa pang tapusin at piniling
manuod ng telebisyon. Adik ako sa telebisyon kaya hanggang gabi babad ang
mata't mamugto na kakasubaybay ng palabas. Matapos at kahit di pa dinadapuan ng
antok, natulog na ko.
July 20, 2016
Wednesday
Year IV-202
8q-k. Naging makulay at napakaganda ng napaginipan kaya napasarap nanaman ang
tulog at malapit na palang pumatak ang Alas-siete ng magising. Napakaaliwalas
ng panahon kaya may aliwalas din sa pakiramdam na pumasok. Pagkatungtong ng
silid, palaisipan sa akin kung ano ang mayroon at bakit nagkukumpol-kumpol sa
iisang umpukan kasama si Sir Jigo at nakagilid ang mga upuan.
Iyon pala at sa halip na magtuturo, nagpalaro lamang siya. Maya-maya pa'y
piniringan na ang isa sa aking kamag-aral at kung sinuman ang kanyang makapa'y
huhulaan kung sino ito. Habang papalapit ang taya'y kanya-kanya na sa pag-iwas
at tago ang mga kasali para hindi makapa't maging taya at naging masaya at
kapanapanabik ang laro. Ibig ko sanang sumali subalit nahihiya ako't automatically taya
ka kung baguhan ka. Hindi ko mapigilang ilabas ang pangil habang pinagmamasdan
ang kanilang laro't lalo pang natatawa sa tuwing nakakapa ang maselang katawan
gaya ng dibdib at pang-ibaba.
8q-l. Lumipas pa ang ilang sandali, inaya na ko ng mga kamag-aral na sumali
sa laro. Nung una'y panay ang aking tanggi pero ng si Sir Jigo na
ang mangulit sa akin, hindi na nakaayaw pa, siyempre crush mo
ba naman. Magkahalong tuwa at kaba ang naramdaman habang nakapiring at
isa-isang kinakapa ang kamag-aral. Sa nangyayari sa akin ay tila binuburot na
nila't hirap malaman kung sino ang nakakapa. Maya-maya pa ay biglang
nagsitilian ang mga kamag-aral ng may makapa ako, lalaki ito. Lumakas pa lalo
ang tilian ng maging mukha, nagawang kapain, makinis ito pero pagdating sa
baba, may nakakapang buhok. Pagdating naman sa braso, bahagyang mabalbon at may
suot na relo. Palaisipan sa akin kung bakit ganun na lang sila nagtitilian at
may ilang nagsasabi, special someone ko na raw iyon.
8q-m. Bukod sa kapa'y nagawa na rin itong amuyin at ang bango niya, nagtataka
ako kung bakit ang tahimik ni Sir Jigo, na kanina'y parang bata
kung magpataya. Naisip ko, marahil siya na nga ang taong kinakapa-kapa at iba
na ang kutob pero nag-aalangan pa rin at ipinagpatuloy ang pagkapa. Ng
masigurong si Sir Jigo nga iyon, lakas-loob ko ng hinulaan at
pagkatanggal ng piring, buwisit dahil namaling akala ako at tawanan at tilian
sila. Naiinis ako sa sarili dahil sa katangahan, nabunyag na ni Sir na may
pagtingin ako sa kanya. Di ko lang alam kung ano ang magiging reaksyon nito matapos
ang nalaman at sana'y hindi magbago. Kung alam ko lang na mangyayari ang
ganito, di sana umamin na sa kanya. Siwalat na siwalat na tuloy sa buong klase
na may gusto ako sa aming professor.
8q-n. Maya-maya pa'y labasan na't sa halip na kumain ay tumungo ako sa Libraryat
sinamantala ang oras para gawin ang laboratory report sa Experimental
Psychology. Sa sobrang abala ko, hindi na nagawa pang pumasok sa klase
ng Social Psychology. Babalakin ko sanang huwag na ring pumasok
sa Education 3 dahil wala naman ibang pinapagawa si Sir
Ronan kundi kahalayan, kaso nagbago bigla ang isip. Walang ibang
inatupag sa buong klase kundi mag-tsek ng notebook at matapos
ay lumabas na kami. Tatlong oras ang aming vacant time kaya
walang ibang inasikaso kundi tapusin ang laboratory report sa Experimental
Psychology.
8q-o. Maya-maya pa'y pumasok na kami, magkakaroon pala ng pagsusulit kaya
habang di pa pumapasok si Ma'am Joyce ay nagrepaso ako. Pagkapasok
ni Ma'am ay kaagad ng nagsimula ang pagsusulit, medyo nahihirapan ako at hindi
alam ang isasagot kaya ang resulta, di katayugang marka ang natamo at
nakakapanglumo. Pagkatapos ay binigyan kami ni Ma'am Joyce ng
panahon para tapusin ang laboratory report. Sa kagustuhan at
kating-kati ng umuwi'y medyo inaapura at bara na sa paggawa. Ilang sandali pa
at kahit hindi pa kumpleto, napagpasyahan ng ipasa kay Ma'am. Sa nangyari
ngayong araw, parang kinakabahan na natutuwa. Ang hiling ko lang sa mga
darating pang araw, maging mas masaya pa lalo at maganda.
July 21, 2016
Thursday
Year IV-203
8q-p. Nahihirapan pang imulat ang mga mata dahil sa antok pero nagawa pa ring
bumangon ng maaga at nag-almusal. Saktong naroroon na si Ma'am Ria pagkatungtong
ng paaralan at nakagilid na ang mga upuan para sa isasagawang palaro.
Kaagad naman nagsimula ang palaro at iyon ay Pass the message. May
pagkakaiba lamang sa twist ng ipapalaro nila dahil gagawin ng
mga nasa likuran kung ano ang ipapagawa sa kanya at iyon ay pasa-pasa. Kapag
nakarating na sa unahan, sasabihin nito kung pain o pleasure.
Nakakataas ng tensyon ang laro dahil iyon ay paunahan at di na maiwasang
mataranta. Sa sobrang taranta, kawawa ang kaharap ko dahil napapalakas ang
tapik. Naging maganda ang umpisa ng aming puntos hanggang sa huli, grupo namin
ang nagwagi at lundagan at hiyawan sa tuwa dahil nakatanggap ng papremyo.
Pagkatapos ay breaktime na. Dahil nagtitipid at di ibig na
makaltasan ang dalang anda, sa halip na kumain ay nakipagdaldalan na lamang kina Christine
Joy.
8q-q. Nakakalibang silang kasama dahil magaling sa kalokohan at malakas mang-trip.
Nandoon din ang Mr. Psychology si Jed at sa
oras na kasama ko sila'y kanina pa ugnay ng ugnay sa kanya. Hindi ko malaman sa
sarili at sa halip na mairita, parang kinukurot sa kilig ang dibdib kapag
ginagawa nila iyon. Itong si Jed na kaninang tatahitahimik,
panay ang biro sa akin. Magagawa ko sanang makisakay sa mga pahirit niya, kaso
mahirap na't baka makahalata at maniwala ang kasama. Ano ba ito at lintik,
mukhang mahuhulog na sa kanya! Lalo pang lumalim ang kilig ng sabihing maganda
raw ako at kahit nagbibiro lamang siya, napi-feel ko. Ilang sandali
pa'y umalis na sila at pagkakita naman kila Eloisa, laking tuwa ko
ng bigyan ni Mary ng invitation Card para
sa debut nito na gaganapin sa Linggo.
8q-r. Natutuwa ako dahil
makakadalo nanaman sa isang engrande at mahalagang okasyon na minsan lang
dumating. Pagkapasok, saktong nagtuturo na si Ma'am Zandra. Sakit
sa ulo ang Dihybrid dahil malilito ka kung paano nakuha
ang genotype at phenotype at para kang
nagtatanim ng palay habang isinusulat at pinagtatapat ang mga gametes sa Punnet
square. Hindi pa natapos ang kalbaryo sa utak dahil may Physics pa
at mukhang magiging mahirap ang darating na Preliminary exam dahil
maraming formula na dapat kabisaduhin. Mahina pa naman ang
tuktok at di agad madaling mamemoryado kaya goodlucksa akin. Sa
bait ni Ma'am Pebenito, sa halip na ipasa sa kanya ang
ipinagawang activity ay ipanatago muna sa amin para
gawing reviewer. Medyo sumasama-sama ang timpla ko kaya agad na
nagpahinga pagdating ng bahay. Kinagabihan at dahil nababagot, babad muli ang
mata sa telebisyon. Dakong Alas-onse na ng mapagpasyahang matulog.
July 22, 2016
Friday
Year IV-204
8q-s. Thank God
it's Friday again at wala muli akong pasok. Hinintay ko munang mawala
ang antok bago iangat ang sarili mula sa higaan. Pagkabangon at dahil walang
nakahaing almusal, kape lamang ang pinanglaman sa sikmurang magdamag na walang
laman. Matapos at dahil nalalapit na ang Preliminary exam,
kailangan munang isantabi ang paglalaro ng gadget at ako'y
nagrepaso. Genetics ang subject na inunang
repasuhin at sumakit-sakit ang bungo sa kakaunawa kung paano makuha ang Genotype at Phenotype ng
bawat given Alleles. Kahit nahihirapan na, ipinagpatuloy ko
pa ring pag-aralan at i-solve ang Monohybrid at Dyhybrid. Kahit
papaano'y medyo nakukuha na rin at huwag sanang mangamote kapag isasabak na ang
sarili sa pagsusulit. Dahil determinadong makapasa at makakuha ng matayog na
marka, walang ginawa sa maghapon kundi sunugin ang kilay sa kakaaral at di na nga
nakapag-siyestana madalas gawin tuwing hapon.
8q-t. Bago pa man gumabi, tumungo ako sa bahay ng Auntie Caling para
humiram ng isusuot sa debut ng aking kamag-aral. Habang
nakikipag-usap sa kanya'y walang puknat ang paggatong ng hiya sa dibdib pero
nilakasan ang loob at kinapalan ang mukha. May napahiram naman siya sa akin,
iyon nga lang ay para itong barong. Nang maisukat, nagmumukhang pari sa hitsura
at masyadong lawlaw. Nagdadalawang isip na tuloy kung dadalo pa ba sa debut ni Mary,
ngayong nararamdaman na mukhang mapapahiya ako at maging laman ng usapan.
Palibhasa'y bibihira lang magsuot ng Pormal kaya medyo nangangapa-ngapa
ang taste kung ano ang babagay at hindi magiging masagwang
tingnan. Lalaki ako pero mas feel pang suoting ang pambabaeng
kasuotan kaysa panlalaki.
8q-u. Kapag wala akong mapiling isusuot, magsusuot na lang ng Tube o
di kaya Gown, baka matalbugan ko pa sila kapag sumipot ako. Dahil
sa pangyayaring ito, na-realize ko na hindi ako supistikada pagkat
walang alam sa tamang pananamit. Si Mama naman, panay ang udyok na huwag na raw
dumalo. Di ko alam kung dapat ko ba siyang pakinggan o mas sundin ang
kagustuhang makadalo, bahala na. Kinagabihan at habang nanunuod ng telebisyon,
naiirita ako sa aking kapatid na may kapansan pagkat sigaw ng sigaw at
naglulundag pa. Nangibabaw ang inis sa halip na awa kaya nagawa na itong
pagbuhatan ng kamay. Hirap din maging tao dahil nagagawa mo ang bagay na mali
at masama kapag nagagalit. Matapos manuod, nagrepaso muli ako. Malapit ng
gumitna ang gabi ng mapagpasyahang matulog.
July 23, 2016
Saturday
Year IV-205
8q-v. Panibagong araw at umaga nanaman pala, kailangan muling idilat ang
mata at bumangon ng maaga kahit di pa tuluyang napaparam ang antok sa mga mata
at ibig pa ng katawan na matulog. Ngayong araw pala kami magpapalaro sa Group
Dynamics kaya binilisan ko sa pagkilos para hindi mahuli. Pagkarating
ay naunahan nanaman ako ni Ma'am Ria at bago magpalaro'y
nag-usap-usap muna kami at naghanda. Ilang sandali pa'y nagpalaro na kami at
nilakasan ko ang loob na magsalita. Hindi biro ang maging Instructor dahil
kailangan mo munang kunin ang lahat ng kanilang atensyon bago ka magbigay ng
tagubilin. May ilan, nalito sa aming palaro pero sa pangkalahatan ay naaliw at
naging masaya sila. Pagkatapos namin magpalaro, nagsalita pa sa harapan para
sabihin ang purpose ng laro. Bago kami lumabas, may mahalagang
inanunsyo si Ma'am Ria.
8q-w. Sa kanyang sinabi, kailangan ngayon palang ay ihanda na ang sarili
dahil sa susunod na buwan, sa Senior High School na kami magka-conduct.
Matapos ay breaktime na at habang nasa Canteen ay
nagising ang kilig sa dibdib pagkat nandoon siya kasama ang mga estudyante
nito. Maya-maya pa'y kumanta na ito na karaoke at ang lamig ng boses niya,
sarap sa pandinig at parang hinahagod muli ng paulit-ulit ang aking dibdib.
Gusto ko rin sanang kumanta para iparinig sa kanya ang ginuntuang boses, kaso
nadudungo ako. Habang kumakanta si Sir Jigo, walang ginawa kundi i-record ang
boses nito. Ilang sandali pa'y nagpaalam na sa kanila at tumungo ng silid. Wala
pa si Ma'am Zandra kaya tamang kwentuhan at kulitan lang kami.
Hindi ko maintindihan sa sarili na sa tuwing nakikita o kasama si Jed,
nagagawang magpapansin sa kanya.
8q-x. Natutuwa ako kapag pinagti-tripan ito at sarap niyang biru-biruin, ang
cute nitong nguminiti at lalo pang lumilitaw ang kakisigan nito. Di
ko masabi kung may pagtingin na rin ba sa kanya, lalo na't sumasaya ang araw
kapag nakikita ito. Masaya ako pero di naman patay na patay. Ang kati ng dibdib
ko at sarap ipakamot. Namayani bigla ang katahimikan ng pumasok si Ma'am
Zandra at may bago muli itong lesson na itinuro na
mas ikakasakit pa ng bungo kapag iso-solve, ang Epistasis.
Mas mahirap pa ito kung ikukumpara sa Monohybrid and Dihybrid at
sa hirap, nawalan na ng kooperasyon sa pagso-solve at di na ibig
pang sumakit ang ulo. Bago umalis ay komunsulta muna kila Eloisa kung
ano ang isusuot at sa kanilang sinabi, mukhang di pwede ang isusuot ko at
mahihirapang maghanap.
8q-y. Nagbago ang isip ko at naisip na huwag na lamang dumalo. Ayaw ko naman
sumama ang loob ni Mary dahil sa di ko pagsipot sa kanyang
kaarawan kaya naisipang regaluhan na lamang ito. Sa halip na umuwi, tumungo pa
ko ng SM para bumili ng ipangreregalo sa kanya at dahil batid
kong pahikan si Mary at matikulosa, sininupan ko sa pagpili at
sinigurong matibay at magtatagal na tipong ma-appreciate niya
ang effort ko. Sa sobrang alinsangan ng panahon, biglang
sumama ang pakiramdam pagdating ng bahay, nagpahinga muna ako. Bahagya naman
umigi ang pakiramdam pagkagising at kung kailan nalalapit na ang aming
pagsusulit, saka muling magkakasakit. Pagsapit ng gabi, nagrepaso ako. Panay
ang pag-aaral ko pero di naman pumapasok sa utak ang inaaral. Idagdag pa ang di
kagandahang timpla kaya nawalan na ng gana upang mag-aral at magpuyat at
piniling matulog na lang.
July 24, 2016
Sunday
Year IV-206
8q-z. Tuluyan ng sumikat ang haring araw subalit namamayani pa rin ang antok
sa mga mata. Nanatili pa ring masama ang timpla at ngayong araw gaganapin
ang debut party ng aking kamag-aral subalit mukhang malabong
makadalo sapagkat nagbabadya ang di kagandanhang pakiramdam. Isa pa, wala pang
napipiling matinong susuotin at sa takot na maging laman ng usapan at
katawa-tawa sa paningin nila kapag ako'y sumipot, napagpasyahang huwag ng
dumalo at ituon na lamang ang panahon ito para paghandaan ang nalalapit na
pagsusulit. Matapos mag-almusal ay kaagad ng sinimulan ang pagrerepaso sa
kabila na masama ang pakiramdam. Ilang oras na kong nag-aaral, di mapasok-pasok
sa utak ang inaaral at nakakaligtaan pa rin ng isip. Ganun na ba kapurol ang
utak at sa tuwing nagbabalik aral para may masagot sa pagsusulit, hindi na bago
ang ganitong problema.
8r-a. Marahil ay kinakalawang na ang utak kaya nagiging pulpol na. Wala akong
ginawa sa buong umaga kundi ang magrepaso. Pagpatak ng tanghali ng
pansamantalang itigil ang pagrerepaso para kumain. Walang balak ang isipan na
matulog para magkaroon pa ng sapat na panahong makapag-aral pero namamayani na
talaga ang antok, hindi na napigilan pang mag-siyesta. Pagkagising ay
tila dinaig pa ang uling sa dilim ng papawirin, bubuhos nanaman marahil ang
ulan. May lakad pa naman ngayon at habang hindi pa bumubuhos ang ulan,
nagmadali na sa pagkilos. Tumungo ako ng Ever Gotesco Mall para
bumili ng Scientific Calculator na gagamitin sa pagsusulit.
Pagkaalpas ng yapak doon, nadatnang nagsisiksikan ang mga tao sa iisang umpukan
at di mawari kung ano ang ganap. Iyon pala, may mall show si Jon
Lucas na gaganapin sa Activity Center subalit hindi
pa ito nagpapakita.
8r-b. Habang di pa siya lumalabas ay sinamantala ang oras para bumili
ng Calculator. Pagkabalik, lalo pang kumapal ang dami ng mga tao't
nahirapan na ngang makakilos patungo sa Corridor dahil di
maiwasang magitgitan. Sa kagustuhang makita si Jon Lucas sa
personal, matiyaga akong nag-abang di inalintana ang init at nagsama-samang
amoy. Ilang sandali pa'y nagpakita na ito sa entablado't halos mayanig na ang
buong Ever Gotesco Mall dahil kaliwa't kanan na ang tilian at
hiyawan at di na magkandamayaw sa kilig ang bawat manunuod. Kung ano ang
ikinagwapo niya sa Telebisyon, mas litaw na litaw kapag sa personal. Halos
mabingi na ko pagkat nakakarindi ang tilian at tila walang takot na mapunitan
ng ngala-ngala.
8r-c. Malapit na nun gumabi kaya hindi ko na tinapos pa ang pagsubaybay sa
kanya. Isa ang araw na ito sa di malilimutan dahil nakakita ng artista na di
inaasahan at bihira lang mangyari sa buhay. Malakas na buhos na ulan ang
salubong sa aking pag-uwi na sinabayan pa ng pagkulog at kidlat kaya abot-abot
ang aking pagkasindak. Kahit namamayani ang takot sa kalooban ay nagpakatapang
ako, makarating lang sa bahay. Dahil masyadong maanggi ang ulan, kahit may
dalang payong ay basaan akong nakauwi. Dahil naulanan, lalo pang sumama ang
pakiramdam ko at mukhang sasamain talaga. Pagkabihis, pagbabalot ng regalong
ihahandog kay Mary ang inatupag ko. Hindi pa madalaw-dalaw ng
antok at dahil wala naman pasok kinabukasan, nagpakapuyat sa
pagrerepaso.
July 25, 2016
Monday
Year IV-207
8r-d. Walang pasok sapagkat ngayon gaganapin ang kauna-unahang SONA ng
bagong hirang na Pangulong Duterte. Ano-ano kayang paksa ang
kanyang tatalakayin na makakatulong sa pag-angat ng buhay ng bawat mamamayan at
ng ating bansa? Maliwaliwanag na sa labas ng ako'y magising at bumangon.
Pagkaalmusal, kaagad ko ng sinimulan ang pagrerepaso. Hanggang ngayon ay
nahihirapan pa ring mag-aral sapagkat hindi pumapasok sa utak at sumasakit lang
ang ulo. Medyo tinamad-tamad ng mag-aral kaya hindi na naipagpatuloy pa at
naisipang magbantay na lamang sa pagtitinda. Bibihira ang mga bumibili kaya di
mapigilang mainip at mabagot at kung may bibili man, puro mga bata na walang
ibang binili kundi tigpipiso. Kaya minsan, tinatamad kang bentahan. Kapag mga
kabataan naman na halos kasing-edad ko lang, Sigarilyo at Alak ang nabebenta.
8r-e. Sana isa sa mapag-usapan sa SONA ang pagbabawal ng
pagtitinda ng mga bagay na nakakasama at sira sa kalusugan. Sa totoo lang ay
nakokonsensiya ako kapag nagtitinda ng Sigarilyo at di biro ang magkaroon ng
sakit sa Baga dahil dinanas ko iyon. Marahil ay hindi ko naman kasalanan kung
mangyari sa kanila iyon dahil tagabenta lang at kung ako ang tatanungin at
masusunod, hindi na dapat nagbebenta ng Sigarilyo. Pagpatak ng
tanghaling-tapat, saka ko lamang itinigil ang pagtitinda. Matapos kumain ay
balik ako sa pagrerepaso at kahit namamayani muli ang antok sa mga mata, di
pumayag na maging hadlang iyon sa pag-aaral. Pagpatak ng Alas-kwatro ng hapon
ng magsimula ang SONA ni Pangulong Duterte.
8r-f. Sa mga nagdaang SONA ng mga dating pangulo,
tanging SONA lamang ni Duterte ang kinakitaan
ng maraming pagbabago. Dati ang mga ralihista, tinataboy ng mga pulis palayo
sa Batasan Pambansa at hanggang Saint Peter Church lang
sila nakakaalpas pero ngayon, himala dahil pinayagan silang makalapit sa Batasan
Pambansa at nagsasagawa sila lang protesta di upang salungatin ang
adhikain ng Pangulo kundi suportahan siya. Bukod pa roon ay ang mga
Personalidad na dadalo sa SONA, ginawa ng Fashion Show dahil
patalbugan sa kasuotan pero ngayon simple at naka-bussiness outfit lang. Change
is Coming na talaga at sana ay hindi lang doon makikita kundi sa atin
din. Ugali kasi ng mga Pinoy na isisi sa Pangulo kung bakit
sila naghihirap, tapos iisipin di raw natutulungan samantalang sila naman ang
may hawak ng kapalaran.
8r-g. Palibhasa'y walang pagsusumikap at parating iaasa sa Pangulo. Sana
hindi na tayo ganon at may tiyansa namang umasenso basta may pagkukusa. Malapit
ng dumilim subalit hindi pa natatapos ang SONA ng pangulo at
tumagal iyon ng halos dalawang oras. Kinagabihan, tuluyan na kong tinamad sa
pag-aaral, hindi pa dinadalaw ng antok kaya naisipang makinig ng Radyo.
Pagkarinig ay bumungad agad sa aking pandinig ang boses na tila pamilyar,
ipinagpatuloy ko ang pakikinig at kinilala. Ng makilala, laking tuwa dahil
boses pala iyon ni Sir Jigo at ni Ma'am Trisha at
di akalaing guest sila sa isang istasyon. Dahil nasa radyo ang
dalawa kong professor, kahit palalim na ang gabi'y nag-tune in pa
rin ako. Ang galing nilang dalawang magpayo at pwede na maging DJ.
Sa sobrang kilig habang pinapakinggan magsalita si Sir Jigo, nagawa
ko ng i-record ang boses nito at parang hinahagod ng paulit-ulit
ang dibdib ko ng boses niya. Malamig, nakaka-relax pakinggan.
Dakong Alas-onse na ng matapos ang kanilang programa sa radyo at masaya akong
natulog.
July 26, 2016
Tuesday
Year IV-208
8r-h. Nanatili pa ring may tuwa sa dibdib matapos mapakinggan ang boses niya
kagabi't sa tuwing binabalik tanaw ay parang ako ang kanyang pinapayuhan at
dama hanggang kaibuturan ng dibdib ang kilig. Pagkagising at higop ng mainit na
kape, kaagad akong nagrepaso. Kahit hirap na hirap na sa dami ng dapat aralin
at kabisaduhin ay nagpatuloy pa rin ako't ginawang inspirasyon ang kanyang
boses. Wala talagang pumapasok sa utak kahit intindihin at dinibdib na nga,
kinakabahan tuloy ako ngayong pagsisimula ng aming pagsusulit at sana'y may
maisagot ako. Bago pa man sumapit ang tanghaling tapat ng lisanin ko ang
tahanan. Naging napakatrapik sa lansangan kaya isang oras na lang ang nalalabi
bago magsimula ang pagsusulit ng makarating sa paaralan. Habang may nalalabi
pang oras, sinamantala ko ang pagrerepaso. Hindi naman makapag-aral dahil
maingay sa loob ng silid at nawawala ang aking konsentrasyon.
8r-i. Pagkapasok nina Mary, kaagad ko siyang hinandugan ng
regalo. Natutuwa ako dahil naiibigan nito at muntikan ng mapaiyak. Ilang
sandali pa, pumasok na ang aming Proctor. Asignaturang Genetics ang
una naming pagsusulit. Dahil may napag-aralan naman, madali lamang ito sa unang
bahagi at alam na alam bang isasagot pero pagdating sa pag-solve ng Hybrid,
doon na ako nagsimulang mangamote. Napapatagal lang ako kapag inaalam ang
tamang solving kaya nauwi sa panghuhula at bahala na sa
matatamong marka. Matapos ang malasisiw sa una pero pagkahirap-hirap na
pagsusulit sa huli, lumabas muna ako. Nayamot lamang ako kay Kalvin,
paano ipinalalandakan nito na may gusto ako kay Sir Jigo. Sa
kadaldalan niya, sarap lagyan ng stapler ang bibig.
8r-j. Aminado naman ako na alam na ni Sir na nagkakagusto sa kanya, ang
ikinabubwisit ko lang, di na niya naisip na gusto ko rin ng privacy.
Kung alam ko lang na ganung kakati ang kanyang bibig, di ko na sana nabanggit
pa. Wish ko lang na di kumalat at natatakot ako sa kung anong
maaaring isipin ng nakakaalam. Kahit naiinis na tipong ibig na siyang
sabunutin, nagawa pa ring itago ang pagpupuyos ng damdamin at nakitungo ng
maayos sa kanya. May leksyon akong natutuhan ngayon at kilalanin mo muna ng
maigi ang tao kung dapat ba siyang pagkatiwalaan bago ka magsabi ng Sikreto.
Maya-maya pa'y nagtungo na ko ng silid. Magrerepaso sana ako subalit hindi
magawa dahil napakaharot ni Anne Rose. Sa tuwa, nakipagkulitan na
ko sa kanya at nawala ang inis na likha ni Kalvin dahil sa
kanya. Ang ingay tuloy naming dalawa at parang bumalik sa dati ang napagsamahan
kahit nagkakapikonan at sakitan na, ganyan namin itrato ang isa't isa.
8r-k. Lalo pang nadagdagan ang lakas ng loob na makipagharutan kina Anne
Rose nang pumasok si Jed. Si Sir Jigo pa
rin ang pinipintig ng puso pero bakit nagagawang magpapansin kay Jed at
marahil ay may pagtatangi na rin sa kanya. Tapos minsan, nagagawang magnakaw
tingin sa kanya. Hindi ko alam kung bakit nauwi sa ganito ang pakiramdam sa
kanya samantalang dati, si Anne Rose ang patay na patay sa
lalaking iyon at di ko napapansin ang kakisigan nito. Ilang sandali pa, pumasok
na ang aming Proctor at nagsimula ang pagsusulit. Experimental
Psychology ang sumunod naming pagsusulit pero anong hirap kahit
nag-aral naman at may mga oras na name-mental block. Kahit nahihirapan
na sa pagsagot, kinaya pa rin ng ulo na basahin at intindihin ang sangkatutak
na katanungan. Pagkatapos kumuha ng pagsusulit ay kaginhawaan sa dibdib ang
pumalit. Hindi ko ibig ang mapag-isa sa pag-uwi kaya hinintay ko pa sina Eloisa.
Pagdating ng bahay at kinagabihan, nakakasawa ng magsunog-kilay kung di naman
tumatanim sa isipan kaya nilibang na lang ang sarili sa panonood ng telebisyon
at naisipang bukas na lang mag-aral.
July 27, 2016
Wednesday
Year IV-209
8r-l. Hindi magandang balita ang sumalubong sa aming paggising sapagkat
nawalan ng tubig. Hindi na tuloy makapagmumog at kailangan pang sumalok
sa dram, mabuti na lamang at may tubig pa roon. Nakakainis sapagkat
hindi sila nag-abiso na mawawalan pala ng tubig ngayon, di sana kahapon pa
lamang ay nakapag-ipon na. Sa totoo lamang ay marami silang naperwisyo at
kakayamot. May kaalinsanganan pa naman ang panahon at malas lang dahil sumabay
pa ang pagkawala ng tubig. Sira ang dapat sana'y magandang araw dahil sa yamot.
Sana sa susunod na pagkakataon, nag-aabiso sila. Marami talagang hindi
magandang kahihinatnan kapag may pagkukulang. Matapos mag-almusal, gawaing
bahay ang inatupag ko. Tamang walis at punas lang ng sahig kahit may natitira
pang yamot sa dibdib at sa halip na ma-badtrip at ituon ang isip sa
bagay na walang kakwenta-kwenta, inaliw na lamang ang sarili sa ginagawa.
8r-m. Nang makapaglinis sa loob ng bahay, sinimulan ko na ang pagrerepaso. Sa
una, ganadong-ganado sa pag-aaral pero kung kailan palapit na ang tanghali at
dahil pagkain na ang nasa utak, medyo tinatamad-tamad na't ibig ng kumain. Pagsapit
ng tanghaling tapat, anong alinsangan ang nararanasan. Sa init at idagdag pa
ang krisis sa tubig, halos ikatigang ko na, walang ginawa kundi magtiis. Ang
mga kapit-bahay naman na kahit katirikan ng araw, abalang-abala sa pag-angkat
ng tubig mula sa balon, sa kagustuhang may maipampaligo. Nangangamoy araw na
ang buong katawan subalit hindi magawang maligo dahil sa kawalan ng tubig, aasa
na lang sa buhos ng ulan.
8r-n. Pagpatak ng hapon, namayani ang tuwa ng kumulimlim ang panahon at
iniisip na malapit ng magwakas ang krisis sa tubig at makakaligo na rin. Kung
kailan napipinto na ang buhos ng ulan, saka nanumbalik ang pagkakaroon ng
tubig. Laking pasalamat dahil sa wakas, makakaligo na rin. Pagpatak ng gabi,
balik muli sa pag-iingay ang mga tsikiting matapos aprubahan temporary
restraining order laban sa Curfew dito sa Quezon
City. Ang dapat sanang gabing tahimik, maingay nanaman kahit dis-oras ng
gabi. Nakakainis at ayos na sana dahil makakatulog ng maayos, kaso inalis pa
nila. Dapat inaalis lang ang Curfew sa lugar na disiplinado
ang mga bata at nasasabihan, hindi dito na maraming pasaway at sakit ng ulo ng
barangay. Malapit ng sumapit ang Alas-onse, tila walang balak magsipag-uwi ang
mga kabataan at nakakairita ang ingay nila. Sana temporary lang
ito at hindi maging permanent.
July 28, 2016
Thursday
Year IV-210
8r-o. Sa kasarapang matulog, nakakasilaw na ang liwanag sa labas ng magmulat
ang mga mata at bumangon. Matapos mag-agahan, pagrerepaso muli ang inatupag ko.
Hindi talaga biro ang mag-aral at nakakatamad dahil hindi pumapasok sa utak ang
inaaral at nakakaligtaan kahit sinasapuso't isip na. Mukhang kakailanganin na
ang tulong ng Memo Plus Gold para tumalas ang memorya at
maging madali ang magkabisado. Batid kong hindi basehan ang talino para
makakuha ng mataas na marka kundi sa masikap na pag-aaral pero hindi maiwasang
isipin na kung pinagkaloob lang ng katalinuhan, hindi sana hahantong sa ganito
na nahihirapan sa tuwing nag-aaral. Bago pa man sumapit ang tanghaling tapat ng
lisanin ang tahanan. Pagkarating sa paaralan ay kaagad tumungo sa Library para
doon magrepaso.
8r-p. Maya-maya'y biglang dumating sina Eloisa at
konsentrasyon sana sa pag-aaral, napadako na kanila. Makalipas ang isang oras,
nagtungo na kami ng silid. Dahil may pagsusulit sila ngayon sa Physio
Psychology at walang ganung asignatura, nanatili muna sa labas at
hinintay sila. Habang nag-aabang ay sinamantala ang oras sa
pagrerepaso. Ilang sandali pa, lumabas na sila. Wala pa ang mga kamag-aral
ko sa Dash 2 pagkatungo ng silid kaya nakisalamuha muna kina Eloisa at
kwentuhan. Ayos na sana ang araw kong na napakadalisay, biglang nagbago ang
takbo ng dumating si Kalvin. Talagang nanghahamon ang baklang iyon
at patuloy na ipinalalandakan ang tungkol sa Crush ko.
8r-q. Sa inis, ibig na itong sampalin at sabunutan, kaso nagawa pa ring
magtimpi. Napakadaldal niya talaga't sarap pasakan ng Cork ang
bibig, kinakabahan na tuloy sa kung anong maaaring mangyari kapag iyon ay
kumalat at sana di maganap ang aking pangamba. Maya-maya pa'y nagpaalam na ko
sa kanila't tumungo sa tamang silid. Asignaturang Group Dynamics ang
kinuhang pagsusulit ngayon at kahit di iyon gasinong nirepaso ay naging madali
lang naman. Sana makatamo ng mataas na marka ng sa gano'y magawang ipakita sa
magulang. Sa dali, kaagad din naman natapos ang pagsusulit. Malapit na rin
gumabi ng makarating sa bahay at kaagad na naghapunan. Tinatamad na kong
mag-aral pero kailangan itong gawin para makakuha ng mataas na marka. Naging
abala ako sa pagsusunog-kilay kaya dakong hating-gabi na ng mapagpasyang
matulog.
July 29, 2016
Friday
Year IV-211
8r-r. Panibagong araw muli ang kakaharapin na punong-puno ng saya at pag-asa.
Pumatak na pala ang Alas-siete ng umaga kaya kinailangan ko ng bumangon.
Pagkaalmusal at dahil ito na ang huling araw para sa aming pagsusulit, tinodo-todo
na ang pagrerepaso. Mga bandang tanghali na ng mapagpasyahang umalis ng bahay.
Pagkatungtong sa paaralan, sa Library muli ako tumungo para
magrepaso. Physics ang naisipang repasuhin at sa sangkatutak
na formula na kailangang kabisaduhin, malapit ng manakit ang
aking bungo. Nabasag ang konsentrasyon ko sa pag-aaral ng dumating sila Anne
Rose at ang ingay nila. Medyo ginugutom na ang sikmura pagkat hindi
nakapagpananghalian kaya kumain muna.
8r-s. Maya-maya'y tumungo na ko ng silid. Saktong naroroon na ang karamihan
sa kamag-aral kaya di na mapigil ang ingay, hindi na tuloy makapag-aral. Ilang
sandali pa'y pumasok na ang aming Proctor. Physics ang
una naming pagsusulit para sa araw na ito't kahit nakapag-aral ay nahihirapan
pa rin lalo na nung Problem solving. Kahit lumuwa na ang
mata sa kaka-analyze ng Word Problem ay di
nagawang umayaw. Nang mapansing karamihan sa kamag-aral ay lumabas na, doon na
biglang na-pressure, inapura na tuloy ang pagsusulit. Goodluck at
sana maipasa ko ito. Guidance and Counseling ang sumunod
naming pagsusulit at saktong si Ma'am Ria ang naging proctor.
Hindi gasinong mahirap, hindi rin gasinong madali ang naging klase ng
pagsusulit.
8r-t. Sa halip na umuwi at dahil may nalalabi pang pagsusulit, nanatili muna
ako. Para hindi mabagot sa kakahintay, naisipan kong magkumpyuter. Malapit na
ring pumatak ang Alas-singko ng tumungo sa silid at sa halip na magrepaso dahil
tinatamad na ng lagay, pakikipagdaldalan ang inatupag. Maraming minuto na ang
nagdaan, wala pa ring dumarating na proctor kaya di na
maiwasang mainip at uwing-uwi na. Makaraan ang ilang sandali ay pumasok na ang
aming Proctor at saktong si Sir Juangco iyon. Social
Psychology ang naging pagsusulit namin at dahil ibig na ng isip na
umuwi, hinula-hulaan na lamang at bahala na sa magiging resulta. Mukhang
aabutin ako ng gabi nito sapagkat may essay pa sa dakong huli
at tinatamad man sagutan ay No choice ako. Sa sobrang
pagmamadali, ako ang kauna-unahang natapos. May kaginhawaan sa dibdib akong
umuwi sapagkat natapos din ang lahat ng pagsusulit na nagbigay hirap at sakit
ng ulo sa linggong ito.
July 30, 2016
Saturday
Year IV-212
8r-u. Nakakagalak lamang sa kalooban dahil it's already weekend
again at may panahon na para gawin ang naisin sa buhay na mahalaga. Maliwanag
na sa labas ng dumilat ang mga mata at pagkabangon ay kaagad na nag-almusal. Sa
di inaasahang pangyayari, muli nanaman nagsagutan ni ina. Minsan na nga lang
ako maglambing at magbiro, masama pa ang dating sa kanya. Nagpatuloy ito sa
pagbubunganga na pakiwaring walang humpay at dapat ng masanay. Nakakasugat na
sa loob ang binibitiwan nitong salita kaya sa halip na humingi ng paumanhin ay
di na nagawa pa't nakipagsagutan sa kanya. Sadyang napaka-OA niya't
parang iyon lang, napakalaki na ng kasalanan sa kanya at parang nalapastangan
ng bonggang-bongga. Habang tumatagal ay mukhang lumalala na ang bangayan namin
kaya ako na mismo ang nanahimik at nagpakalayo-layo.
8r-v. Matapos mag-almusal, gawaing bahay ang inatupag ko. Bago pa man
tumanghaling-tapat at habang sumisilip pa ang araw sa kabila na may nakaambang
bagyo, naisipan kong maglaba. Kinahapunan, balak sanang samantalahin ang oras
sa paglalakwatsa, kaso baka makatikim muli ng pagbubunganga ni ina kapag umuwi
kaya mas piniling magtinda na lamang. Maya-maya at dahil nababagot ng lagay,
naisipang manuod ng telebisyon. Parang sinindihan sa galit ang kalooban ng
mapanood sa Imbestigador kung paano patayin ng tatlong
magkakapatid ang mga mag-lola at iyon ay karamuldumal. Napakademonyo nila
pagkat parang puno lang kung pagtatagain ang mag-anak at danak ng husto ang
dugo, matapos at dahil may nalalabing libog sa katawan, ginahasa pa.
8r-w. Dapat sa ganung tao, hatulan ng bitay! Nagimbal talaga ako sa aking
napanood at nakakatakot dahil may ganun palang tao na kayang gumawa ng
karumaldumal na krimen. Muntikan ng di makakain kapag naalala iyon. Pagsapit ng
gabi, nagsibalikan muli ang mga kabataan na walang ginawa kundi maghasik ng
kaingayan. Ano bang pumasok sa isip nila't inilagay sa TRO ang Curfew.
Gawa na rinding-rindi na sa ingay, naglakas loob na silang pagsabihan pero
nag-iingay pa rin maya-maya. Laking pasalamat ng tumaimtim ang kapaligiran
pagpatak ng Alas-onse, kaso di naman makatulog pagkat mainit at malamok pa.
July 31, 2016
Sunday
Year IV-213
8r-x. Huling araw na para sa buwang ito. Sumapit na ang madaling araw subalit
hindi makatulog pagkat panay ang dapo ng mga lamok sa katawan at nararamdaman
ko ang pagsipsip nila. Dahil hindi makatulog ng maayos, malapit ng sumapit ang
Alas-nuebe ng magising. Walang nagbabantay sa tindahan dahil masyadong abala
ang ilaw ng tahanan at bilang pambawi sa nagawa kahapon, nagtinda ako. Lalo
pang ginanahan sa pagtitinda pagkat mahangin ang panahon, makulimlim din kaya
kay sarap damhin sa pakiramdam. Pagpatak ng tanghali at dahil piping-pipi na
ang kalamnan sa tindi ng gutom, tigil muna ako sa pagtitinda para kumain.
Naparami ang kain ko na lantak na nga kaya muntikan ng mabundat sa kabusugan at
halos mabuhat ang katawan.
8r-y. Matapos at dahil wala naman gagawin, naisipan kong mag-beauty rest.
Kinagabihan, nakakabilib ang natunghayan sa palabas na Superhuman sapagkat
pambihira ang kanilang kakayahan na kung titingnan at iisipin ay
napakaimposible pero posible sa kanila at di magagawa ng pangkaraniwang tao
lang. Minsan ay mapapaisip ka kung tao pa ba sila at bakit pinagkalooban ng
ganung kakahayan. Karamihan sa mga naging subject nila,
masusuri sa lakas at tibay ng katawan para masabing tunay ngang Superhuman at
lubhang kakaiba ang nangyayari sa loob ng katawan na siyang nagbibigay sa
kanila ng walang hanggan na lakas. Grabe at nanlaki ang mata ko't napanganga ng
husto habang sila ay tine-testing. Naging maulan ang gabi kaya naman
masarap na ang tulog ko.