Martes, Mayo 31, 2016

41. May 2016 Journal (Day 1217-1247)

May 01, 2016
Sunday 

(Labor Day) 
Year IV-122

8f-r. Sa wakas, sumapit nanaman ang buwan ng Mayo at ito rin ang araw ng paggawa. Hindi ako kaagad nakatulog kagabi dahil sa ingay sa labas kaya tinanghali na ng gising. Dahil bukas na magsisimula ang pagsusulit para bukas, matapos lamnan ang sikmurang magdamag na walang laman ay nagrepaso na ko. Social Science 3 o Political Science ang unang nirepaso, natutuwa naman ako dahil madali naman pumasok sa isip kung ano ang inaaral. Bukod pa dun ay nalalaman at tumatatak sa isipan kung ano ang mga batas na ipinapatupad sa bansa at malaman na may laban ka kapag may umaagrabyado sa'yo. Wala akong ginawa sa buong umaga kundi magrepaso dahil determinadong makapasa. Sa kakaaral ay nagutom ako kaya pagpatak ng tanghaling tapat ay tigil muna sa pag-aaral upang mananghalian. Habang abala sa paghuhugas ng plato ang pagdating naman ng Ate galing Taguig na may dalang T-shirt. Kahit di gaanong magkalapit ang aming loob ay di akalain na reregaluhan din niyon at natuwa ako dahil maganda ang pagkakagawa at bagay na bagay sa akin.

8f-s. Maya-maya pa'y dumating na ang taga-deliver ng Pizza sa Shakeys at iyon ang naging meryenda. Sa dami at laki tapos may Mojo Potatoes pa'y tiba-tiba muli ang aking sikmura. Labis akong nabusog sa dami ng kinain at tila di na magagawang maghapunan pa mamaya. Ipapagpatuloy dapat ang pagrerepaso, kaso naudlot pagkat naadik na sa paglalaro ng Candy Crush. Ganito naman ako, madaling akitin ng tukso at hirap labanan kung di gaanong malapit ang loob sa Panginoon at aminado naman ako dun. Dalangin ko lang na sana, patatagin pa rin niya ang aking loob at ipamulat sa isip na naririyan siya parati at siya lang ang tanging makakatulong para labanan ang tukso. Kinagabihan at dahil may pasok nanaman kinabukasan, kaagad ng natulog matapos manood.


May 02, 2016
Monday

Year IV-123

8f-t. Pumatak nanaman ang araw ng Lunes at isang Linggo na lamang pala, botohan na kaya saan lupalop man ako lumingon habang papasok ng eskwela, tadtad ng Campaign Paraphernalia at bawat madaanan ko'y tila sinasabi sa kanilang mukha na ako ang karapatdapat niyong iboto sa darating na Eleksyon. Napipinto na nga ang araw ng panghuhusga kaya wala ng ibang makita sa kapaligiran kundi mukha ng iba't ibang tumatakbong kandidato at marahil sa buong linggong ito, pukpukan na ang kampanya, sa Telebisyon man o Meeting de avance. Wala pa si Ma'am Ria pagkadako ng yapak sa eskwela at habang wala pa ito, tumungo muna ng Clinic para ibigay sa kanila ang Medical Certificate. Dahil okey na talaga ako, pinayagan ng pumasok.

8f-u. Nagtuturo na si Ma'am pagkabalik ng silid at matapos ay lalapitan sana ito para makiusap na bigyan ng Special exam pero pinangunahan ng hiya at may takot sa dibdib sa magiging reaksyon nito. Bago siya umalis, bigla akong tinawag, doon lang nagkaroon ng pagkakataon at lakas ng loob na makiusap sa kanya subalit di pa niya ako maaring bigyan ng pagsusulit ngayon sapagkat di pa raw nagagawa. Goodluck sa magiging hirap ng pagsusulit at sana kayanin ko. Ilang saglit pa, lumipat na sa ibang silid at tanging mga kamag-aral pa lamang ang nadatnan. Habang wala pa si Sir Max, nagrepaso muna ako. Maya-maya'y may pumasok na isang babae at siya ang nagbigay ng pagsusulit sa amin. Naging sisiw lamang iyon kaya di ako nagtagal sa pagsagot. Sana ay matayog ang makuha kong marka. Dahil malaki pa ang nalalabing oras para sa susunod na asignatura'y nanatili muna kami at nagkwentuhan.

8f-v. Dahil nalalapit na ang Eleksyon ay tungkol sa pagpili ng napipisil na pangulo ang napag-usapan at karamihan talaga sa mga kausap ko, Duterte. Ano ba ang nangyayari sa mga Pilipino at ang di ko lang maintindihan ay siya pa rin ang nais iboto sa kabila na nasangkot ito sa kontrebersyal na balita gaya ng pagmumura sa Santo Papa, tapos kamakailan lamang ay nagbiro ito hinggil sa rape victim na siya naman di dapat gawing biro pagkat di maganda at ngayon, lumalabas ang balita tungkol sa kanyang mga tagong yaman na nagsasabing isa ito sa Corrupt. Tapos mayabang pa magsalita at tila bihasa ng makipag-away kaya di ko makita kung ano ang nakikita nilang maganda sa kanya. Ngayong nangunanguna ito sa Survey, tingin ko kaya naman sila maka-Duterte di dahil sa platapormang ilalatag nito kundi alam nilang malaki ang posibilidad na manalo ito.

8f-w. Sabi nga ni Mica, nakikisabay sa uso at takot matalo ang kandidatong iboboto. Kahit si Duterte ang napipisil ng karamihan na iluklok sa pwesto at mananalo, hindi ko isusuko ang boto sa kanya pagkat duda ako sa kanyang pamumuno at baka mauwi pa sa Martial Law at maging diktador ang susunod na pangulo. Napag-isip-isip ko, si Miriam Santiago na lamang ang iboboto, alam niya ang Tatlong requirements sa pagiging pangulo at iyon ay Moral, Academic at Professional excellence. Tingin ko, magiging maayos ang takbo ng Pilipinas kapag siya ang namuno pagkat magaling at matalino siyang magsalita at may paninindigan. Wala akong pakialam kung kulelat siya sa mgaSurvey basta sa kanya ko na ibibigay ang boto di sa taong mabaho ang lumalabas sa bibig.

8f-x. Napasarap ang usapan namin nina Mica kaya di namamalayan ang oras at lumipat na sa kabilang silid. Laking tuwa namin ng sabihin ni Sir Marvin na di matutuloy ang pagsusulit ngayon kundi sa Biyernes at nanood lamang kami ng Film. Makalipas ang isang oras, uwian na't diretso lamon ako pagdating ng bahay. Matapos ay namalantsa ako ng mga uniporme. Pagpatak ng gabi, tutok nanaman ang mata sa panonood ng telebisyon at ng wala ng mapanood ay inihilata na ang sarili sa kama.


May 03, 2016 

Tuesday

Year IV-124

8f-y. Alas-sais na pero di pa natatanggal ang antok kaya hirap pang idilat ang mga mata at gusto ko pang matulog. Sa bagal kong kumilos na pautay-utay, saktong nakapasok at nagtuturo na si Ma'am Ria pagkadako sa paaralan. Matapos ay nagpangkat-pangkat na kami para sa group project at ng makabuo ng pangkat ay nag-usap-usap na kami kung ano ang gagawin. Wala akong ideya sa pinapagawa ni Ma'am kaya madalas ay tameme. Malas lamang sapagkat pangkat namin ang mauuna sa pagsalang at ang nakakatawa, pagtuturo ng Zumba ang napiling events. Napahaba ang aming usapan kaya pagkalipat ng ibang silid, naroroon na si Sir Max at nagtuturo tungkol saCitizenship at interesadong pag-usapan ang napapanahong balita gaya ng halalan at todo kinig pa rin kahit di na related sa lesson.

8f-z. Matapos ay tumungo na kami ng kabilang silid. Pakiwaring di nanaman makakapasok si Sir Marvin kaya naghari muli ang kaingayan at Non-stop kami nila Jaimarri sa kwentuhan, kaso nga lang ay tungkol sa kalibugan ang napag-uusapan kaya buhay na buhay nanaman ang mga kakwentuhan ko. Sa ipinapakita nila'y parang kinukutuban na ng di maganda't sana mali ito. Pagkabalik ko ng silid galing banyo'y hindi ako makapaniwala ng masilayan na nanonood ng Porn Video sa laptop sila Jaimarri at sa mismong loob pa ng silid. Mabuti na lamang at kami-kami lamang ang nakakanuod at tuwang-tuwa sila habang nagsispingin ang mag-sexual partner. Tama bang panoorin iyon sa paaralan at nakakahiya, dapat kung libog na libog sila, huwag sa public places na tipong marami ang maaaring makakita kundi sa Private and Secret places. Hindi muna ako nakihalubilo sa kanila at baka magaya na walang alam ang utak kundi kalibugan.

8g-a. Hindi ko alam kung magagawa pa bang makitungo sa kanila matapos ang nakita at na-shock ako, di dapat nila ginawa iyon. Gusto ko sana sila pagsabihan pero baka mauwi lang sa pagtatalo at ayaw kong masira ang pagsasamahan namin. Iyan ang hirap sa akin, mas inuuna ang kapakanan ng pakikipagkaibigan niyo kaysa kapakanan niya. Tanggap ko sa sarili na mahiba ako. Mukhang malabo na talagang pumasok si Sir kaya kanya-kanya na sa pag-alis. Pagdating ng bahay ay kaagad ng nagpahinga. Pagsapit ng gabi, walang magawa at para maiba naman ay naisipan kong magbasa-basa. Sa sobrang tutok ng mata sa pagbabasa, Alas-dyis na pala't kailangan ng matulog.


May 04, 2016

Wednesday

Year IV-125

8g-b. Pasikat na ang haring araw ng magising at bumangon. Pagkatungo sa paaralan, iilang kamag-aral pa lamang ang nadatnan at dahil magkakaroon pala ng Seminar ngayon, dakong Alas-otso ay tumungo na kami sa Auditorium. Marami na ang mga estudyante pagkatungo namin doon at sa dami at siksikan pa, tila wala na kaming maupuan. Habang aligaga sa paghahanap ng mauupuan ay biglang tinawag ni Ma'am Ria at tuwa naman kami pagkat sadyang naka-reserve na ang upuan sa harapan para sa amin. Ilang saglit pa ng mag-umpisa ang Seminar na pinangunahan ni Sir Juangco. Tungkol sa Eight habits for getting Successful life ang tinalakay niya sa amin. Sobrang appreciate ko ang sinasabi niya kaya todo kinig. Matapos niyang magsalita ay binigyan kaming mga tagapakinig ng pagkakataon para magtanong. Sa una, pinangunahan ng hiya para magtanong pero dahil sa pagpupumilit ng kamag-aral, napilitan ng tumungo sa gitna para magtanong. Nasagot naman ng sapat ni Sir Juangco ang aking katanungan.

8g-c. Pagkabalik, nakaupo pala kung saan nakaupo kanina si Sir Marvin, umupo ako kung saan may bakante pero bigla itong lumapit at sinabing "Hoy bading, umalis ka diyan!" Alam ng loob na nagbibiro lamang siya pero ang dating ay parang nambu-bully at di ako natuwa bagkus ay naimbyerna sa biro niya. Sa kanyang ginawa, para niya kong pinahiya sa harapan. Sa inis, gusto ko na siyang ireklamo pero huwag na at baka saan pa ito mapunta. Tumagal ang Seminar hanggang Alas-nuebe at pagkadako ng silid, nadatnang nanonood ng Video ang aking mga kamag-aral sa Social Science 3.

 8g-d. Kakila-kilabot ang natunghayan ko sa palabas ng ma-recover ng mga Pulis ang isang bag na nilalangaw na at pagkabukas ay tumambad ang bangkay ng isang lalaki na pira-piraso ang katawan. Grabe at parang hayop ang ginawa sa kanya at walang awa na tsinap-chop. Sa aking nakita, tila di na tao ang gumawa nito sa kanya kundi demonyo, sana makamit niya ang hustisya. Hindi pala biro ang maging isang SOCO pagkat lakas ng loob ang kailangan kapag iinspeksyunin ang bangkay ng tao para matukoy kung ano ang kanyang pagkakakilanlan at malaman ang salarin. Sa aking nakita, muntikan ng maduwal at parang ayaw ng kumain mamaya. Sa oras ng Social Science 4, wala nanaman si Sir Marvin kaya party-party sa pag-iingay.

8g-e. Kahit ayaw ko ng makihalubilo kina Jaimarri matapos ang nakita kahapon na di kanais-nais ay natutukso ako kapag tinatawag nila at nakakaramdam ng saya kapag kasama sila. Nang makapagsulat sa Attendance, kanya-kanya na sa paglabas at sayang lang ang ipinasok ko. Hindi pa ibig ang umuwi kaya tumungo pa ng SM at namasyal-masyal. Dakong Alas-kwatro na ng makauwi at sa pagod ay nagpahinga muna. Pagsapit ng gabi at habang nanonood ng balita ay naawa ako sa sinapit ng babaeng Nurse pagkat minura, sinigawan at kahit babae ay sinapak pa ito ng lalaki na kung titingnan ay malaking bulas at butangero. Dapat sa gaya niya, hinahagupit ng latigo para maranasan din ang sakit ng taong kanyang inagrabyado at pinahirapan.


May 05, 2016 

Thursday

Year IV-126

8g-f. Ikalawang araw ng aming Seminar kaya pagtapak ng yapak sa eskwelahan at sa halip na sa silid ay tumungo na ng Auditorium. Wala pang gasinong tao maging mga kamag-aral ko'y di pa namamataan at marahil ay napaaga ang aking pasok. Sa paglipas ng mga sandali ay unti-unti ng napupuno ang loob ng Auditorium at pamamayani ng ingay. Habang di pa nagsisimula ang Seminaray bigla akong nilapitan ni Sir Juangco at sinabihang huwag daw akong mahihiya at tama lang ang ginawa kahapon. Hindi ko akalain na kakausapin niya ko at pangagaralan. Sa kanyang mga sinabi, tila gusto ko ng magbago at maiyak ako sa tuwa ng purihin niya. Saksakan talaga siya ng bait gaya ni Sir Esguerra at pagbubutihan ang pag-aaral kapag naging Professor siya. Matapos naming mag-usap ni Sir Juangco ay nagsimula na ang Seminar. Tungkol naman sa Leadership ang itinuro sa amin ni Sir Juangco at matapos ay binato ito ng samu't saring katanungan. Mga tanungan nila, nakakainis at di related sa topic kundi pag-ibig kaya maya't maya ang hiyawan.

8g-g. Anong akala nila kay Sir, robot na kahit anong tanong ay masasagot at di na sila nahiya. Inaalala ko ang sinabi sa akin ni Sir at iyon ang nabigay ng lakas ng loob para magtanong. Matapos ang Seminar, tumungo na ko ng silid. Pagkatungo, may activity pala kami at iyon lamang ang inatupag sa buong oras ng Political Science. Maya-maya, kwentuhan nanaman at gusto kong kausap ang taong aware sa nangyayari sa bansa at mahilig manuod ng balita kaysa tungkol sa pag-ibig at kalandian at may katuturan ang pag-uusap niyo. Maiging may pakialam ka pagkat karapatan mo yun kaysa akala mo ah ayos lamang ang buhay na tinatamasa pero lingid sa kaalaman mo na may nangyayari ng di maganda at baka pagsisihan mo pa. Ilang saglit pa, dumako na kami sa kabilang silid. Habang wala pa si Sir Marvin at sa halip na makipagdaldalan kila Jaimarri ng kalibugang walang hanggan, nagrepaso ako sa Industrial Psychology.

8g-h. Hirap mag-aral kung saksakan sa ingay ang nakapaligid sa'yo at papatay-patay ang konsentrasyon ko. Isang oras na ang nakakaraan, wala pa rin si Sir Marvin, kaya minubuting umalis na kami. Pagkalabas namin, nadatnang bumubuhos ang malakas na ulan at sa lakas, isama pa ang pag-ihip ng hangin ay tila mababasa pa rin kahit may payong kaya nagpatila muna. Nang humina'y saka lamang ako kumilos pauwi. Sa kabila na umulan kanina, namamayani pa rin ang init. Balak ko sanang magrepaso matapos kumain kaso humadlang ang antok at katamaran, Siyesta muna ako. Dakong Alas-kwatro na ng magising at dagliang nagsunog kilay hanggang sa maghari ng gabi. Habang naghahapunan, nairita ako sa ingay ng mga bata at kung maglaro, tila magpapatayan na, pinagsabihan ko nga pero teyngang kawali at balewala ang aking suway, hinayaan na lamang sila.

8g-i. Sobrang ingay talaga nila at sa inis, nagawa ng sigawan. Saka lamang sila nagsitigil ng maging sila Mama at Papa ay nagsaway. Bakit ganun, hindi sila nakikinig at parang may mali marahil sa akin. Pakiramdam ko walang puwang sa pandinig ang sinasabi't tila walang kakayahang pasunurin ang mga tao. Matapos maghapunan, sakripisyo muna sa panonood ng telebisyon at ipinagpatuloy ang pagrerepaso. Ilang oras ng nag-aaral, wala talagang pumapasok sa utak kahit sabihing papasok ito at kusang nabubura kapag naiiwanan ng paningin. Tila may problema na sa aking kukote at kailangan ng gumawa ng paraan para patalasin ito. Balak pa sanang magpuyat pero bagsak na ang mata sa antok kaya hindi na naituloy pa ang pagrerepaso at natulog na. Goodluck bukas sa akin at sana maging madali ang pagsusulit na ibibigay ni Ma'am Ria.


May 06, 2016 

Friday

Year IV-127

 8g-j. Inagahan ko ang aking paggising para magkaroon pa ng sapat na panahong makapagrepaso. Kahit may naaral naman ako, hindi pa rin mawala sa dibdib ang kaba at dibdibin ang pagrerepaso habang di pa nagpapakita si Ma'am Ria. Makaraan ang ilang sandali, pumasok na ito. Nakiusap ako kay Ma'am na bigyan pa ng oras na makapagrepaso pero di na niya ko pinayagan at agaran ng binigyan ng pagsusulit. Nakapagrepaso ako pero ibang klase ang hirap at labis na ang pangangamote, karamihan puro essay at paggawa ng Application letter. Sa hirap, halos tumirik na ang mata habang nag-iisip ng isasagot at kahit isipin ang sinabi sa akin ni Sir Jigo at Sir Juangco na kaya ito, wala pa ring talab at nahihirapan talaga ako. Ibig ng umayaw pero nandito na ko kaya sige go sa pagsagot hangga't may oras at naiisip. Matapos ay ipinasa na kay Ma'am ang test paper at grabe pala siya magbigay ng pagsusulit, matinding stress ang sasagupain. Kahit na labis na nahirapan ay sana maipasa iyon.

8g-k. Nang matapos sa pagtuturo si Ma'am Ria, kaming magkakagrupo ay nag-ensayo na ng Zumba Dance. Sa una ay hirap sundan at mabuti na lamang ay naging matiyaga sa akin si Beatriz sa pagtuturo kaya ng sumunod na steps ay madali ng nakukuha. Kakasayaw ng Zumba, tagaktak ng husto ang pawis. May klase pa ko ng ganoong oras kaya nagpaalam na sa kanila at pagkababa, Checking pala ng exam. Matapos iwasto, nalugod ang loob ko sa naging resulta pagkat mataas at sana'y magtuloy-tuloy na ito. Bago magturo si Sir Max ay nagbigay muna ito ng activity namin na gagawin mamaya at iyon ay maghanap ng botanteng tatanungin kung sino ang gusto nilang maging Presidente at Bise Presidente ng bansa. Tila madali lamang ang ipinapagawa ni Sir kaya mukang kakayanin naman, sana nga.

8g-l. Pagkatapos magturo ni Sir at dahil sa Martes pa naman ang pasahan, sa halip na simulan na ang pagsu-survey at nanatili na lamang sa loob ng silid at kwentuhan. Ang kaninang kwentuhan tungkol sa pagpili ng napupusuang kandidato, nauwi tungkol sa usaping pag-ibig. Naging mausisa sina Mica sa love life ko at kung makapagtanong, feeling ko nasa talk show at nagiging madaldal na tuloy ako, hanggang sa maisiwalat sa kanila kung sinong tao ang nagpapatibok ng aking Puso. Ang kulit kasi nila at kainis, dapat ay di na iyon sinabi pa at kahit magsisi man, wala ng magagawa. Ayaw ko ng magsalita pa na pagsisihan lamang ng loob at isa pa, buhay ko ito kaya umayaw na at kusang loob na umalis.

8g-m. Magkakaroon pala ngayon ng pagsusulit sa Social Science 4 kaya nagrepaso nanaman ako. Tatlumpung minuto na ang nakakaraan, wala pa si Sir Marvin at mukhang di nanaman ito sisipot sa aming klase kaya sumagi muli sa isipan ang kagustuhang umuwi na. Maya-maya, may isang kamag-aral ang nag-anunsyo sa harapan at sinabing nag-iwan ng activity sa amin si Sir at ngayon ang pasahan, nagsitigil sila sa daldalan maging kami nina Jaimarri at ginugol ang oras sa paggawa ng activity. Umalis na kami matapos gawin ang activity. Anong alinsangan muli ang nararanasan pagkauwi kaya halos umiral nanaman ang aking pagkaliyo.

8g-n. Pagpatak ng gabi at tatlong araw bago ang Halalan, nangunguna pa rin sa pinakahuling Survey si Duterte, kaya naman ang mga kalaban nito, gumagawa na ng paraan para mapabagsak siya gaya ng pagpapalabas ng political ads na tuligsa sa kanya na siya namang totoo at di iyon paninira. Kahit ano pang gawin nila, di na mababago ang isip ng tao na iboto siya pagkat nabulag na sila at di ko maunawaan sa kanila kung bakit giliw-giliw kay Duterte, samantalang kung makapagsalita, tila walang pinag-aralan, walang Moral excellence na dapat taglayin ng isang lider. Bahala na sila kung malagay sa alanganin ang bansa dahil tingin ko, sa asta at pananalita pa lamang niya, mukhang delikado kung siya ang hirangin. Di ako sa nanghuhusga pero iyon talaga ang nakikita ko.


May 07, 2016 

Saturday

Year IV-128

8g-o. Napasarap ang tulog ko kaya dakong Alas-otso na nagising at napagpasyahang bumangon. Wala pa man sa tanghaling tapat ay makasunog balat na ang sinag ng araw at iba na talaga ang init ngayon. Wala akong magawa kaya pagbabantay sa tindahan ang pinag-ukulan ng panahon at paglikha ng kwento. Katamad talagang pagbentahan kapag mga bata ang bumibili, paano puro tigpipiso at madalas, mga bata talaga ang nabili. Pagpatak ng tanghaling tapat at dahil pupunta kami nina Jaimarri sa Luneta Park para project sa Social Science 4, matapos lumamon ng pagkarami-rami ay tumungo na ng school kung saan magkikita-kita. Di ko pa sila namamataan pagkadako ng yapak doon at naghintay muna ako. Halos isang oras na ang nakakaraan, wala pa sila. Pakiramdam ko, hindi na matutuloy ang lakad pero ipinagpatuloy ko pa rin ang paghihintay hanggang sa mag-chat sa akin si Jaimarri at sinabing hindi na raw tuloy sapagkat may nagaganap na miting de avance doon.

8g-p. Ano ba yan, nagpunta pa ko, hindi naman pala matutuloy, sayang lang ang pamasahe. Hindi ko pa balak ang umuwi kaya kahit may kalayuan ay naisipang tumungo sa SM city San Jose Del monte.  Pagkarating ay tamang pasyal-pasyal lang doon kahit mag-isa at mangatog-ngatog sa ginaw pagkat malamig. Kahit bagong bukas lang ang mall na iyon, dami na nitong store at dagsaan ang mga tao, wala na tuloy maupuan. Wala naman akong maisip na gawin doon at isa pa, di naman gasinong kalawak kaya di na nagtagal pa doon. Bago umuwi, tumungo muna ng Computer shop at mga dakong Alas-singko na ng nakauwi ng bahay. Kinagabihan ay tutok muli ang mata sa telebisyon at matapos ay nahiga na sa kama. Anong ingay ang nauulinig sa labas at tila ayaw nilang magpatulog, nakakainis.


May 08, 2016 

Sunday 
(Mother's Day) 
Year IV-129

8g-q. Araw ng mga ina sa buong mundo na walang sawang ipinapakita ang pagmamahal at pag-aaruga sa kanyang mga anak at maging kanilang asawa. Marahil para sa akin ay wala ng makakapantay pa sa pagmamahal ng ina at ipaparanas pa rin nila, gustuhin mo man o hindi at gagawin nila ang lahat ng nararapat, mabigyan lamang tayong mga anak ng maayos at magandang buhay. Kahit buhay ka, pakiramdam mo ay kulang ka kapag wala ang ina sa iyong piling. Kahit madalas ay nabubungangaan ni Mama at minsan ay sumasama ang loob kapag pinagsasabihan, hindi pa rin nawawala ang pagmamahal sa kanya. Mataas-taas na ang sikat ng araw sa labas ng magising at pagkaalmusal, sinimulan na ang pagsasagawa ng Survey. Si Aling Nenita muna ang una kong kinapanayam at inalam kung sinong kandidato ang napipisil niyang maluklok sa Pangulo. Ang gaganda ng kanyang mga sagot kaso ang problema, nahihirapang isulat ang sinasabi niya dahil nakatayo lamang at idagdag pa na tirik na tirik ang haring araw.

8g-r. Matapos ay si Auntie Andrea naman ang isinailalim sa survey. Kadalasan ay pagtulong sa mga mahihirap ang dahilan kung bakit gusto niyang mahalal si ganito sa dalawang pinakamataas na pwesto. Sumunod at dahil maraming kakilala at kaibigan, sa Recrap ko naman isinagawa ang Survey. Tirik na tirik ng husto ang araw kaya labis na tumatagaktak ang pawis. Hindi pala biro ang trabaho ng taga-survey, sapagkat pagod at init ang maaring sagupain pero kahit mahirap, nagtuloy-tuloy pa rin ako matapos lang ang assinment. Sina Ate Bing ang huli kong kinapanayam at dala na nagugutom at pagod na, kahit di pa nakukumpleto ang respondent ay pansamantala munang itinigil ang survey ang kumain. Kahit di ganito ang aking trabaho, alam ko na ang hirap na kanilang ginagawa at karapatdapat lang bigyan ng malaking bayad.

8g-s. Matapos mananghalian ay balak ko pa sang ituloy ang survey, makatupok balat na ang init sa labas at baka mahilo at mahimatay kapag isasagawa ng ganitong oras, naisipang mamaya na lang. Isa pa'y tinatamad ako. Pagpatak ng hapon at ng di na gasinong kainit sa labas, saka ko pa lamang ipinagpatuloy ang pagsu-survey.  Bago pa man sumapit ang gabi ng sa wakas ay makumpleto na ang hinihinging respondente at si Ate Ging ang huli kong kinapanayam, kaso may pagkapakilamera siya at mas magaling pa kung magsalita, sa loob-loob ko'y ibig ng itigil ang pakikipagpanayam sa kanya. Hindi ko gusto na mauwi sa pagtatalo kaya hinayaan na lamang at sinunod kung anong gusto niya. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya nanatili muna kina Cathy at nakipagkwentuhan kasama ang matalik nitong kaibigan na si Kenneth (Pua) na kung mag-usap at sama ang dalawa'y aakalaing may something sa isa't isa.

8g-t. Sa katunayan ay bagay na bagay silang dalawa kaso wala pang balak ang Cathyna makipagrelasyon at gusto muna niyang makapagtapos. In fairness, may hitsura kahit di katangkaran at magaling pomorma kaya itong loob ko, nalandi muli. Habang sila Cathy at Kenneth ay nag-uusap na tila dudumugin na nga ng guyam, kaming dalawa ni Jaka at dahil walang magawa, naisipang mag-FLAMES. Umiral ang tuwa sa dibdib at lalo pang umigting ang kilig ng i-FLAMES ang aking pangalan kay special someone at ang lumabas ay Engage daw ang magiging kapalaran ko sa kanya. Dahil maganda ang lumabas, gustong-gusto kong maniwala pero ayaw kong umasa. Nasarapan kami ni Jaka sa paglalaro ng FLAMES kaya di namalayang madilim na ang kailangan ng umuwi. Bukas, halalan na at huhusgahan na ng mga botante kung sino-sino sa mga tumatakbo ang dapat iluklok sa iba't ibang posisyon. Nawa'y manalo ang karapatdapat at tapat sa bayan at hindi yung Corrupt.


May 09, 2016

Monday 
(Presidential Election)
Year IV-130

8g-u. Makalipas ang tatlong taon, Eleksyon na nanaman at magdedesisyon nanaman ang taong bayan kung sino ang ibig iboto. Sana maging matagumpay at maayos ang pagdaraos ng halalan at ang dating problema sa tuwing ganitong panahon, huwag ng maulit. Papasikat pa lamang ang haring araw ng magising at pagkabangon, agad kong binuksan ang telebisyon para malaman kung ano na ba ang kaganapan ngayong halalan. Kakasimula pa lamang ng oras para bumoto kaninang Alas-sais ay dagsaan na ang mga tao sa iba't ibang Presinto. Sa dami ng inaasahang boboto, karamihan sa mga eskwekahan, di na mahulugang karayom at nagsisiksikan at tulakan na nga. Halos dalawang oras makalipas magmula na magbukas ang botohan, samu't sari ng problema at reklamo na ang natatanggap at karaniwan ay pumapalya ang mga VCM at di naglalabas ng resibo o isinusuka ang balota, kaya naman ang mga botante, gigil na gigil na sapagkat kanina pa raw nakapila.

8g-v. Ang iba naman na kahit kalam na ang sikmura at naiinitan, nagtiyaga pa ring makaboto. Marahil ay isa na ang Pilipinas sa pinakamagulo't maingay magdaos ng halalan at tila walang pagbabago kahit anong paghahanda ang gawin. Buong umaga akong tumutok sa balita hinggil sa balita. Matapos manuod, gawaing bahay ang aking inatupag at sinamantala na rin ang araw na walang pasok sa paggawa ng assignment. Pagpatak ng tanghaling tapat, kasing-init ng mga nangyayari sa Halalan ang nararanasang init ng panahon. First time ko pa lang bilang botante pero dahil sa nakikitang sitwasyon na siksikan at ang iba ay hinimatay na dahil di na kinaya ang init, tila tinatamad ng bumoto pero di naman papayag na matatapos ang araw na ito na di nagagamit ang karapatang bumoto at di hahayaang humadlang ang mainit na panahon.

8g-w. Kung ako ang tatanungin, dapat baguhin sa Saligang Batas na sa buwan ng Nobyembre o Disyembre isagawa ang halalan, hindi sa Mayo na kung kailan tag-init para di maranasan ng mga botante ang init at pagkahilo habang bumuboto. Kaya maraming botante ang umaayaw na sa pagboto dahil sa naiinitan at buwis buhay naman talaga kapag mainit na nga, tapos ang bagal pa ng usad ng pila at siksikan pa. Dakong hapon na at kasama sina Papa at Ate Leslie ng tumungo kami sa President Corazon Aquino Elementary School para bumoto. Dahil isa ang eskwelahan na iyon sa pinakamaraming registered voter, pagdating doon, dagsaan na talaga ang dami ng mga tao at mukhang mahihirapan sa paghahanap ng presinto sapagkat gitgitan at tulakan habang tinitingnan sa listahan ang pangalan.

8g-x. Nang malaman kung saang presinto nakadestino para bumoto ay tumungo na doon kaso nahihirapang kumilos pagkat sobrang dami ng mga tao at halo-halo na ang naaamoy, halos ma-suffocate na nga. Medyo nalilito din ako kung anong gagawin dahil unang beses pa lamang boboto at baka di makaboto pagkat aanga-anga. Kinalaunan ay nakarating din sa sariling presinto kaso mahaba na ang pila. Habang nakapila, kainis at nagloko pa ang VCM pero ginagawan naman ng paraan. Halos isang oras na ng maayos ang VCM at kahit mahaba ang pila kung umuusad naman, di nakakainip. Maya-maya pa, kaharap ko na ang balota at medyo nate-tense lang sa pagsi-shade dahil baka kumalat. Ng maipasok ang balota ko sa Machine, laking tuwa because I sucessfully voted and they put ink on my finger. Matapos namin bumoto, nag-aya pa ang ate na tumungo sa Starbuck.

8g-y. Pagkatungo doon, gulat kami sapagkat ang daming tao, wala tuloy maupuan at mahaba pa ang pila. Dahil nakakainip kung maghihintay pa, napagpasyahang umalis na lang. Sa Chowking na lang kami tumungo doon sa Ever Gotesco mall at kumain. Mangilo-ngilo ang ngipin ko sa lamig ng kinakain na halo-halo at parang di na kaya ubusin. Kaagad ng umuwi matapos namin kumain. Dakong Alas-singko na ng magsara ang botohan at makaraan ang isang oras, may inilabas ng resulta ang Comelec pero partial and unofficial pa lamang. Sa pagkapresidente, nangunguna talaga si Duterte at lamang na lamang sa sumunod na sina Grace Poe at Mar Roxas. Pagdating naman sa Bise presidente, si Bongbong Marcos ang namamayagpag pero manipis ang lamang nito kay Leni Robredo at kumpyansang sa mga susunod na oras, maaring makahabol si Leni. Hindi ako nasisitayahan sa lumalabas na resulta sapagkat di nangunguna ang mga binoto ko.

8g-z. Talagang nabulagan na ang mga tao sa pangako ni Duterte at kapag tuluyan na ngang nabulag, di na maagapan pa kahit ano pang sabihin at gawin tulad ng nangyayari sa mga tao ngayon, hindi ko maintindihan kung bakit binoto si Duterte, samantalang brusko at astigin magsalita at bukod pa dun, Narcissistic pa. Dami pa rin tanga pagdating sa pagboto at di nila inisip kung ano ang maaring kahihinatnan kung siya ang maluklok. Hiling ko lang, sana magbago si Duterte bago magtapos ang kanyang termino. Lumipas pa ang ilang oras, lumaki pa lalo ang lamang ni Duterte sa mga kalaban nito maging ang lamang ni Bongbong kay Leni. Nadidismaya na kong manuod ng telebisyon at malabo ng maungusan ng binoto ko si Bongbong kaya napagpasyahan ng itinigil ang panonood at natulog na lang. Sa totoo lang, ang tatanga nila't tila nawaglit na sa isipan ang nangyari nung Martial Law.


May 10, 2016

Tuesday
Year IV-131

8h-a. Matapos ang magulo pero makasaysayang halalan, balik sa dating gawi ang lahat ng mamamayang Pilipino. Pumatak na ang Alas-singko ng magising ang katawang lupa at kaagad nanood ng balita. Magandang balita ang bumulaga sa akin at nakakatuwa sapagkat sa nakalipas na magdamag, naungusan na ni Leni Robredo si Bongbong Marcos sa Vice Presidentiable race pero ayaw ko munang magpakasiguro dahil nagsasabungan ang dalawa't napakapanipis ng lamang niya sa sumunod. Sa pagkapangulo naman, walang pagbabago at si Rodrigo Duterte pa rin ang namamayagpag. Kahit di ibig ng loob at kinukutuban ng di maganda sa kanya, kailangan ko ng tanggapin na si Duterte ang susunod na mamumuno sa bansa. Hindi naman nakaka-shock ang lumalabas na resulta dahil sa Survey pa lamang, siya ang napupusuan ng karamihan. Ang hiling ko lang sa susunod na administrasyon, ayusin ang pamamahala sa bayan at bigyan tayong lahat ng magandang buhay at kinabukasan, di yung katakot-takot na pamumuhay. Sana tuparin niya ang mga pangako tulad ng pagsugpo sa lumalaganap na krimen para maging ligtas ang bawat isa sa atin at huwag tumulad kay Ferdinand Marcos na isang Diktador at sakim sa kapangyarihan.

8h-b. Kapag nagawa niya iyon sa loob ng anim na taon, isa siya sa pangulong hahangaan ko. Sa ngayon, di pa nagbabago ang pagtingin sa kanya dahil di pa niya napapatunayan ang dahilan ng karamihan. Malapit ng pumatak ang Alas-siete ng lisanin ang tahanan at pagdating sa eskwela, tungkol sa halalan ang mainit na pinag-uusapan ng aking mga kamag-aral maging si Ma'am Ria. Matapos niyang maglahad ng komento at magkuwento, saka lamang ito nagturo. Maya-maya at kasama sina Eric ay tumungo na sa Engineering Department para humiram ng mga gamit na kakailanganin para sa Zumba health and fitness bukas.

8h-c. Nang payagan at maasikaso ang lahat, pumasok na ko ng silid para sa susunod na asignatura. Wala pa si Sir Max kaya kwentuhan muli kami. Akala namin, di na papasok si Sir pero lumipas ang higit isang oras ay pumasok pa ito at nagturo. Tungkol sa Legislative Department ang itinuro niya sa amin at very interesting na pag-aralan at malaman ang kahalagahan ng tatlong sangay ng gobyerno at kung paano sila mag-function. Dahil naiibigan ng loob na pag-aralan ang Philippine Constitution, parang gusto ko ng mag-shift ng kurso at kumuha ng Law. Nakakaaliw sanang makinig sa itinuturo ni Sir, kaso kinapos na sa oras at nakakabitin. Sa oras ng Social Science 4, pumasok na si Sir Marvin pero sa halip na magturo, nakipagdaldalan lamang ito at nagpatawa. Ano bang klaseng gurong ito, mukhang tinatamad ng magturo at maya-maya, nagbigay siya ngreviewer sa amin.

8h-d. Nang mabagahian ang lahat ng reviewer, umalis na ito at nagsilabasan na din kami. Pagkauwi sa bahay at dahil bukas na ang aming program para sa Industrial Psychology, tumungo ng labas para magpagawa ng banner. Ilang Computer shop na ang napuntahan pero sinasabing bukas pa ng hapon matatapos ang banner kung ngayon sisimulan samantalang ngayon na kailangan para magamit na bukas, gumawa na lamang ng sariling banner at talagang sipag at pawis ang ibinuhos, matapos lamang iyon. Habang pinagmamasdan ang gawang banner, nakakatuwang isipin na creative pala ako pagdating sa arts. Kinagabihan, panonood muli ng balita ang pinanood ko. Napakakitid talaga ng utak ng karamihan sa mga Pinoy, hindi porket naungusan ni Leni si Marcos, sinasabi na nandaya raw ito at may haka-haka na tuloy ang Plan B ng mga Liberal Party ni PNoy sa pamamagitan na manipulahin ang bilangan ng boto para si Leni ang manalong Vice President at kapag nangyari iyon, kinalaunan ay papatalsikin nila si Duterte para siya ang pumalit na presidente't lumalabas na tuloy pa rin ang pamumuno ng LP bagay na walang katotohanan at di dapat paniwalaan.
8h-e. Wala talagang pagbabago ang mga Pinoy at utak talangka pa rin. Sa halip na magbato ng magbato sila alegasyon, bakit di na lang igalang kung ano ang lumalabas na resulta para matahimik na ang lahat. Kapag si Marcos ang nangunguna, wala silang nasasabi pero nung si Leni na, sinasabing nanduga raw, mga hitad ba sila! Alalahanin nila, di lang silang maka-Marcos ang botante sa bansang Pilipinas. Baka di nila alam, maraming maka-Leni. Kahit na ganun ay nagpapasalamat ako sa panginoon dahil nananalo ang binoto ko at sana magtuloy-tuloy ang kanyang pagkalamang. Go Leni Robredo, para sa ikauunlad at ayos ng bansang Pilipinas.


May 11, 2016

Wednesday

Year IV-132

8h-f. May kabang tila bumabalot sa aking dibdib sapagkat ngayon na namin isasagawa ang events at di ko pa alam ang sasabihin kapag nagsalita na sa harapan. Alas-siete na ng makarating sa eskwela't nakahanda na ang mga upuan, lamesa, Mikropono at Audio speaker doon sa Quadrangle subalit wala pa ang mga kagrupo ko. Lumipas pa ang ilang sandali ng dumating si Eric at dali-daling tumungo ng Computer shop sapagkat di pa nakakagawa ng tanong para sa evaluation. Minuto na lamang ang binibilang bago magsimula ang training ng Zumba kaya halos ma-pressure na sa paggawa ng tanong. Ang kinaiinis ko kay Eric, nagbibigay na nga ng tanong at tinulungan pero siya pa ang nagmamarunong. Ayaw kong masira ang araw dahil sa nagtatalo kami't mauwi sa wala ang pinaghihirapan kaya hinayaan na lamang siya. Pagkatungo ng Quadrangle, nandoon na ang mga kamag-aral maging si Ma'am Ria at pagkalapag ng kanya-kanyang mga bag ay nagsimula na ang events sa pangunguna ko.

8h-g. Sa tana ng buhay ay unang beses pa lamang magsalita sa pampublikong lugar kaya di mapigilan kabahan at madungo. Pakiramdam ko, tila walang kakayahan na mapasunod sila habang nagsasaway kaya napanghihinaan na ng loob. Hindi agad makapagsimula ang Zumba training dahil nagkaroon ng problema pero naayos naman at saka lang nakapagsimula. Bago ang Zumba, nag-stretching muna kami at di mapigilang tumawa sa oras na magkamali. Matapos ang Stretching, that's it dahil sasayaw na ng Zumba at hirap gayahin ang steps kaya parating nagkakamali. Pakiwari ko, pinagtatawanan na nila't tila nalulunod na sa kahihiyan at ibig ng umayaw pero di magawa sapagkat nakasalalay ang grado.

8h-h. Sumidhi pa lalo ang hiya ng kunan ng Video ni Ma'am Ria habang sumasayaw at darating na sa puntong gusto ko ng tumigil sa pagsayaw. Nakakapagod palang sayawin ang Zumba at pinagpawisan ng husto kaya ng pangalawang beses, naupo muna bilang pagpapahinga pero pinapasayaw talaga ako ni Ma'am. Makalipas ang tatlumpung minuto ng matapos ang Zumba training at kainan na. Hindi pa handa ang sikmura na lamnan ng pagkain kaya di nakisalo sa kanila't matapos ay Groupie and Selfie kami kasama si Ma'am Ria. Maya-maya'y tumungo na ko sa silid at masaya dahil matagumpay na nairaos angevents. Walang magawa kaya habang di pa dumarating si Sir Max ay tamang daldalan kina Mica at John Paul (Aga) at walang ibang napag-usapan kundi tungkol sa politika.

8h-i. Mas interesting talagang kakwentuhan ang taong mahilig makisawsaw sa nangyayari sa bansa kaysa sa buhay pag-ibig na siya lamang nakaka-relate.  Kahit kailan, walang silbi ang landi sa katawan kung walang pakialam sa nangyayari sa iyong bayan. Baka di lang kasi namamalayan, puro landi lang ang inaatupag pero wala siyang sa nangyayari na maaring ikapahamak. Bukod pa dun ay matatalino sila at marami kang matutuhan. Makalipas ang halos isang oras, sa wakas ay pumasok na din si Sir Max at nagturo hinggil sa legislative department. Ibig pa sanang magturo si Sir sapagkat interesting at maraming nalilikom na kaalaman mula sa kanya, pero kapos na sa oras.

8h-j. Katamad ng pumasok at gawa na di naman ang nagtuturo si Sir Marvin at mahilig lang ito magpatawa, napagpasyahang huwag ng dumalo at masasayang lamang ang oras na ipinasok ko. Sa halip na umuwi ay tumungo pa ng Robinson Novaliches para magpalamig at mamasyal. Dakong Alas-dos na ng makarating sa bahay at anong init ng panahon. Kahit di ka kumikilos at nakaupo lamang, pinagpapawisan pa rin. Nanatiling naranasan ang maalinsangang panahon hanggang sa pagpatak ng gabi, dahilan kung bakit nahihirapang matulog. Ang ingay pa sa labas at tila wala silang balak magsipag-uwi kahit dis-oras na ng gabi't Curfew time na din. Palibhasa, di naman gaanong mahigpit at nababantayan kaya di nasusunod at naiisturbo pa rin sa pagtulog.



May 12, 2016

Thursday
Year IV-133

8h-k. Maaga-aga pa lamang ng magising subalit sa kadahilanang ngayong araw na sisimulan ang Survey para sa mga estudyanteng lalahok sa Senior highngayong pasukan, napagpasyahang lumiban muna ng klase para di kapusin sa oras. Sa muling pagkakataon ay survey nanaman ang gawain ko't pwede ng maging Statistician. Nang makapag-almusal ay sinimulan ko na ang pagsu-survey. Mabuti na lamang at may kilala at ang pinsan na si Jaypee ang una kong kinapanayam. Sumunod ay mga kapit-bahay na nito at dahil di kamag-anak, di mapigilan ang hiya na makiharap at usap sa kanila pero kinaya ko naman. Lumipas na ang isang oras, tatlong tao pa lamang ang nakakapanayam at pahirapan na sa akin na maghanap ng responde na kailangan ay Senior high sa pasukan sapagkat bibihira lamang. Hindi nga biro ang trabaho ng isang taga-survey at kailangan pairalin ang sipag at lakas ng loob.

8h-l. Sa ikaapat na estudyanteng aking kinapanayam, kahit di kilala ay natutuwa naman ako dahil mainit  akong tinanggap ng kanyang pamilya at kinausap na parang isang kamag-anak ang turing at they are also very hospitable. Medyo napapasarap na ang aming usapan kaya mukhang magtatagal na sa kanila pero hindi bale dahil nasulit ang oras na kasama sila. Nang makapitong estudyante na ang aking nakapanayam ay si Poypoy naman ang sunod na isasailalim sa survey subalit bigo itong makaharap pagwat wala. Maging si Cathy ay wala din nang madatnan at kung sino pa ang taong malalapit sa loob, sila pa yung di maaari.

8h-m. Sa kakalakad at hanap, napagod na ko at tanghali na rin kaya napagpasyahang itigil na ang Survey kahit di pa nakukumpleto ang hinihinging respondents. Wala magawa kaya pagdating sa bahay, tutok muli ang mata sa telebisyon. Tatlong araw makalipas ang nagdaang eleksyon, tila ang iniwan nitong bakas ay patuloy pa ring namamayagpag dahil sa bangayan at siraan saSocial Media ng kani-kanilang manok sa iba't ibang posisyon. Katitindi talaga magbitaw ng salita ang mga basher na di man lang inisip kung ano ang maaring kahihinatnan. Nauunawaan ko sila sapagkat dala lamang ng bugso ng damdamin pero maging maingat pa rin sapagkat kahit ano pang pagsisisi ang gawin o paghingi ng paumanhin, di na mabubura iyon sa isipan ng taong pinagsalitaan mo ng di maganda. Pasalamat ang mga bashers ni Leni Robredo na kahit below the belt na ang mga ibinabato sa kanya, nagawa pa rin nitong magpatawad.

8h-n. Kaya mas karapatdapat siyang maupo bilang Bise Presidente sapagkat kahit di ko siya kilala, nakikita ko sa kanyang mata na malinis ang kalooban at kailanman ay di ninais na magnakaw ng pondo sa kaban ng bayan gaya ng kanyang asawa pagkat simple lamang sila mamuhay kahit nakasabak sa politika. Isa din siyang ina na mapagmahal at aruga sa mga anak nito at disiplinado pa. Sa mga nagsasabing nanduga ito, di ako naniniwala sapagkat patas siyang lumaban at nakikita sa kanyang mata na kuntento na sa kung anong meron sa buhay at marunong tumanggap ng kapalarang maari niyang kaharapin, di tulad ni Bongbong Marcos na puro paninira at pambinbintang ang ginagawa, palibhasa'y natatalo. Paano, batikanong mandurugas ang tatay niya, corrupt at sakim sa kapangyarihan kaya lahat ng kasalanan ni Ferdinand Marcos, napagbabayaran ng anak. Pagsapit ng gabi, panonood ng Video ang inatupag ko at ang gandang panoorin ang pinapalabas sa I Witness ni Kara David sapagkat sinasalamin nito ang iba't ibang pamumuhay ng mga tao na di pangkaraniwan at di mo maiiwasang mag-react. Dakong Alas-onse na ng mapagpasyahang matulog.


May 13, 2016 

Friday
Year IV-134

8h-o. Matapos ang aking pagliban kahapon, kailangan ko ng pumasok ngayon para sa magandang kinabukasang naghihintay. Kahit hindi pa nilulubayan ng antok, kailangan ng awatin ang sarili sa kama at mag-almusal. Friday the 13thngayon at kahit di gasinong nagpapaniwala sa pamahiin, di ko maiwasang kabahan at pakiwaring may di magandang mangyayari, sana mali ang kutob ko. Tuluyan ng sumikat ang haring araw ng makarating sa eskwela. Maaga pa naman kaya nanatili muna sa Lobby at nagbasa-basa. Makalipas ang kalahating oras, tumungo na ng silid. Sa oras ng Industrial Psychology, nagturo lamang si Ma'am Ria tungkol sa training. Nang wala ng matsika at lecture si tsikadorang bakla, nagsialisan na kami kahit hindi pa dismissal time. Saktong nadatnan siJohn Paul na abala sa pagbabasa pagkababa, masyado pang maaga kaya nanatili muna sa labas at nagkwentuhan. Habang napapasarap at rami ang usapan naming dalawa ang bigla naman pagdating ni Kuya Bernard. Matalino si Kuya Bernard pagdating sa usaping pampolitika at dinaig pa kami pagkat masyado siyang updated sa mga balita.

8h-p. Kinilabutan ako sinabi niya dahil kapag nagsimula ng maupo si Duterte sa pwesto at gawin niyang Federal Parliamentary ang bansa, na siya naman kanyang isasakatuparan ay magkakaroon raw ng dahilan para magsipagpuntahan ang Abu SayafMILF at iba pang grupo mula sa Mindanao at maaaring maging kapitbahay natin sila. Tiyak na gulo ang aabutin kapag nangyari iyon at mauwi sa mga patayan at pang-aaalipin. Bukod pa roon ay maaaring magtuloy-tuloy ang kapangyarihan ni Duterte at magkakaroon ng karapatan para maging diktador, tiyak na masasadlak tayo sa matinding pagdurusa sapagkat kahit anuman ang gawin, di na natin mspapatalsik. Sabi ko na nga ba't tama ang aking kutob at unang tingin pa lang sa kanya, di na maganda ang pakiramdam. Sana huwag mangyari kung anuman ang nakikita ni Kuya Bernard sa susunod na administrasyon at magkamali ako sa kutob.

8h-q. Tanga lang ng mga bumuto sa kanya kapag nangyari talaga ang bagay na ngayon pa lang ay pinangangambahan na't mas mukhang magiging masahol pa sa Rehimeng Marcos ang Rehimeng Duterte. Marami pang bagay na naikwento sa amin si Kuya Bernard kaya di namamalayan ang oras at kailangan na naming pumasok. Sa oras ng Political Science, tungkol pa rin sa Legislative Branch ang itinuro sa amin ni Sir Max at ang mahusay na pagtuturo, napadako tungkol sa bagay na nakakatawa kaya di mapigilan ang tumawa. Maya-maya pa'y tumungo na sa kabilang silid para sa susunod na asignatura. Mukhang di nanaman makakapasok si Sir Marvin kaya binabalak na ng isip na umuwi pero dumating ito kinalaunan at kami ay nagpangkat-pangkat para sa sabayang pagbigkas sa susunod na linggo. Wala nanaman maituro si Sir at puro pagpapatawa lang ang baon kaya maaga kaming lumabas.

8h-r. Habang kapiling sila Jaimarri, nakaranas ng kaunting inis sa dibdib, paano nababastusan kina Joshua at Lorence at masyado na nila akong pinagtitripan. Hindi ko na masikmurang makisama sa kanila dahil sa dalawa, nag-atubili na silang layasan. Kung kailan paalis na'y nagningning bigla ang aking kalooban ng masilayan si Sir Jigo at mag-isang kumakain sa Canteen, di tuloy makakilos sa takot na makita niya pagkat di na maipinta ang mukha sa inis. Halos tumulo na ang laway habang siya'y pinagmamasdan at ang lakas pa rin ng tama na tipong masiraan na ng bait sa kanya. Pagkaalis nito, saka lamang ako nakakilos. Diretso hilata ako sa kama pagdating ng bahay at kinagabihan ay panonood ng telebisyon ang inatupag. Wala pa ang antok sa mga mata kaya inabot na ng hating-gabi bago makatulog.


May 14, 2016 

Saturday

Year IV-135

8h-s. Wala muling pasok sa eskwela at araw ng pamamahinga kaya anumang oras na ibig bumangon, magagawa ko. Pumatak na pala ang ikawalo ng umaga't matapos mag-almusal, sinimulan ko na ang paggawa ng asignatura. Naging abala ako sa paggawa ng assignment sa iba't ibang subject kaya halos ma-drain na ang utak sa kakaisip ng sagot at ma-stress na din. Pagsapit ng tanghaling tapat, pansamantalang itinigil ang pag-aasikaso sa sangkatutak na takdang-aral para kumain. Ngayon na napipinto ng magtapos ang amingsummer class, kailangan ng magsipag para makapasa at di mauwi sa wala ang gastos. Matapos lamnan ang sikmura, ipinagpatuloy ko ang paggawa ngassignment. Balak ko man tapusin pero biglang humadlang ang antok at para bang sinasabi ng katawan na magpahinga muna raw ako.

8h-t. Hindi ko na mapigilan ang antukin kaya natulog muna. Napasarap ang aking tulog kaya dakong hapon na nagising. Isang oras na lamang pala't maggagabi na rin kaya kaagad ng nagsaing. Pagsapit ng gabi at dahil bisperas ng piyesta dito sa amin, walang ibang marinig kundi dagundong ng tugtog mula sa Covered court at patuloy na nagsisidatingan ang mga tao. Ibig sanang makisali sa sayaw subalit pumipigil ang hiya, nanatili na lamang sa bahay. Walang magawa ng gabing iyon kaya panonood ng MR. Bean ang napaglibangan at sikmurain ako sa kakatawa. Pagpatak ng Alas-dyis, saka ko lamang napagpasyahang matulog. Lumalalim na ang gabi pero wala pa ring humpay ang naririnig na ingay at tila wala silang balak matulog.


May 15, 2016
Sunday

Year IV-136

8h-u. Nagniningning na ang liwanag sa bintana ng magising at nakakasilaw na rin ang sinag ng araw. Umaga na pala kaya di nagpatumpik-tumpik sa pagbangon. Matapos mag-agahan at dahil nalalapit na ang aming pagsusulit, nagbasa-basa ako. Maraming ginagawa si Mama at labag man sa kalooban ang magtinda'y ginawa pa rin dahil may malasakit ako. Political Science ang nirepaso ko't napakahalaga talagang alamin at pag-aralan hinggil sa tatlong sangay ng gobyerno kung paano nila patakbuhin ang bansa. Habang nagbabasa'y unti-unti kong nalalaman ang iba't ibang responsibilidad ng mga taong nanunungkulan nito at kahit may pinanghahawakang kapangyarihan, masyado pa rin limitado. Sa kagustuhang makakuha ng mataas na marka at makapasa, walang ginawa sa buong umaga kundi itutok ang mata sa pagbabasa. Matapos ay paglalaba naman ang inatupag ko.

8h-v. Sa dikit ng tintang nakakapit sa bag, pahirapan sa akin na matanggal iyon pero pursigido pa ring mapaputi. Bahagyang nakaramdam ng gutom kaya ng makapaglaba, kaagad ng nananghalian. Nakakabato at ibig sanang lumabas, pero tila nababalutan ng hiya ang kalooban na siyang pumipigil, nanatili na lamang sa bahay at naisipang manood ng Video. I Witness ni Kara David muli kong tinunghayan at may kinalaman sa kursong kinukuha ang kanyang Dokumentaryo sapagkat tungkol sa isang barangay na may naninirahang mga baliw. Animoy mga hayop kung igapos sapagkat nagiging bayolente raw di umano at nananakit. Nahabag ako habang ipinapakita ang kanilang kalagayan at halos maging tahanan na ang tirahan ng mga hayop sapagkat kasama nila ang mga yun. Lubha ring malalayo ang mga ospital at kulang na kulang sa mga Psychiatrist kaya lumalaganap ang nasisiraan ng bait sa kanilang lugar.

8h-w. Bilang Psychology Student, bukod sa sarili at sa aking kapatid, ibig din silang tulungan para makawala sa sakit na gumagapos sa kanilang buhay. Ang nakakalungkot pa, hindi na iyon magagamot pero maaring mabawasan at matanggal ang sintomas. Kapag baliw ka na, baliw na talaga. Medyo inantok na kaya pansamantala munang natulog. Pagkamulat ng mga mata at matapos magmeryenda, pagbabasa muli ang inatupag ko. Tuloy pa rin sa pagbabasa kahit tila humahadlang ang mapurol na utak at mahinang pag-unawa para may matutuhan. Pasasaan pa at kapag nagtiyaga, magiging magaling din ako at hahangaan ng halos lahat. Pagpatak ng gabi, tamang panonood lamang ng telebisyon at matapos, kaagad ng inihimlay ang sarili sa kama para matulog.


May 16, 2016
Monday

Year IV-137

8h-x. Pumatak nanaman ang araw ng Lunes, unang araw ng pagbabalik eskwela para sa linggong ito pero ito na ang huling linggo ng aming klase at sa halip na tuwa, tila namamayagpag ang kaba at nangangambang baka di makapasa, sana di magkatotoo ang kinikimkim na kutob. Pagdating sa paaralan at sa halip na sa silid ay tumungo na kami sa Quadrangle para makilahok sa isasagawang events ng ibang kamag-aral. Habang abala ang nakatokang grupo sa paghahanda at paglalatag ng mga Set up, palaisipan sa amin kung ano ang ipapagawa, lalo na't di naman nila sinasabi. Pumatak na ang Alas-otso, hindi pa sila natatapos kaya di kami makapagsimula't di na mapigilang mainip. Si Ma'am Ria na tipong mangulubot na ang mukha at taasan na ng kilay sa kahihintay, nagpamalas na ng natatagong katarayan sa sobrang inip at kung ako sa kalagayan nila'y mapapawiwi na sa labis na takot. Makaraan ang ilang minuto, nagsimula na ang kanilang activity at iyon ay palaro.

8h-y. Kaming dalawa ni Jaimarri ang sumabak sa palaro't dahil may time limit, masyado na kaming tensyonable't very challenging pa lalo na nung ilulublob mo ang paa sa yelo at di maaaring alisin habang di mo nasasagot ang tanong. Kahit na clumsy ang katuwang ko't babagal ay nagpatuloy pa rin kami. Pagdating sa huling istasyon, tila gusto ng umayaw sa laro  dahil gagapang ka pala sa hilera ng mga upuan na may harina sa ilalim nito. Iniisip ko na maaring hikain pero nagawa pa ring sumabak at sige sa paggapang ng mabilis ng may pag-iingat. Galak at ginhawa ang nadarama sa dibdib matapos sumabak sa palaro. Masaya ang inilatag nilang aktibidad pero nakakatensyon at mistulang Espasol pagkat balot ng harina ang buong katawan.

8h-z. Pagpatak ng Alas-nuebe ng makapaglaro kaming lahat at pinatunog na ang mga alarma, hudyat na nagsimula ang Fire Drill at may pagmamadali kaming nagsilabasan. Kahit Drill lamang, animoy totoong may nagaganap na sunog pagkat may nagsisigawan at nag-uunahan sa paglabas. Lahat kami ay dali-daling pinapunta sa kabilang Quadrangle bilang evacuation at doon nanatili. Tawa ako sa aking sarili ng mapansin ni Neville na baligtad pala ang suot na T-shirt at halos lamunin na ng hiya. Umigting pa lalo ang hiya ng maging sina Ma'am Ria, napansin na baligtad ang aking suot at dahil marami ng nakakapansin, parang ayaw ng manatili sa kanila. Ang laki ko talagang tanga't di ko man lang nakita at napansin talipa ang suot na T-shirt, kakahiya.

8i-a. Maya-maya pa'y pinalabas na kami sa Quadrangle at sa kapal ng bulto-bultong estudyante, di maiwasang magtulakan at balyahan, habang ako'y gumagawa ng paraang makalayo sa kanila. Sa wakas at nakaahon din sa kahihiyang kinasadlakan kanina at sisiguraduhing di na ito mauulit. Wala pa si Sir Max pagkatungo ng silid pero kaagad din naman ito dumating at nagturo. Kinapos na sa oras kaya saglit lamang siyang nagturo at nagsialisan na kami. Magkakaroon pala ng pagsusulit sa Social Science 4 at magrerepaso sana ako subalit di na nagawa dahil nakarating na si Sir Marvin at kaagad ng nagsimula sa pagsusulit.

8i-b. Wala akong narepaso kaya nganga habang sumasagot at nanghula-hula na lamang, nagbabakasakaling tsumamba. Sakit sa ulo ang magbasa't darating na sa puntong susukuan na. Goodluck sa makukuhang marka at sana makapasa. Matapos ang pagsusulit, nagkampo-kampo na kaming magkakagrupo para pag-usapan ang gagawing presentasyon para sa sabayang pagbigkas. Matagal-tagal na kaming nagpupulong, wala pang naiisip na alternatibong idea at mukhang mauuwi sa wala. Ilang sandali, nagkanya-kanya na kami sa pag-alis. Pagkauwi ng bahay at dahil may maikling pagsusulit kami bukas sa Political Science, nagrepaso ako. Ang kaninang maalinsangang panahon, biglang kumulimlim hanggang sa makarinig na ng pagkulog. Natakot ako kaya nawalan ng konsentrasyon sa pag-aaral at nagtago. Pagpatak ng gabi ay panonood ng Video ang siyang inatupag. Dakong Alas-dyis na ng mapagpasyahang matulog.


May 17, 2016
Tuesday

Year IV-138

8i-c. Inaantok pa rin ng lagay pero kailangang magising ng maaga at kaagad na makaalis ng bahay sapagkat may gaganaping Evangelical Mission ng mga Iglesia ni Cristo doon sa Manggahan at di ibig na maipit sa trapik. Sa bagal kong kumilos, malapit ng sumapit ang Alas-siete ng makaalis sa bahay at pagkababa sa may Batasan Toda Terminal ay nabulaga ako sapagkat napakatrapik at di na halos makausad. Nag-iisip na ko kung itutuloy pa ba ang pagpasok at balewala lamang ang paggising ng maaga kung mahuhuli naman. Sa sobrang bagal ay tila dinaig pa ang Pagong sa pag-usad at halos maubusan na nga ng pasensiya. Hindi ko inasahan na magiging ganito katrapik na tipong tumirik na. Para sa mga mahihirap ang ginagawang misyon ng Iglesia ni Cristo pero labis naman silang nakaabala para sa mga magsisipagpasok, sa opisina man o sa eskwela't nakakairita. Saka lamang naging mabilis ang pagtakbo pagkalampas ng Litex at sa halip na Alas-siete y medya ay dakong Alas-otso y medya na nakarating sa paaralan at para akong dumalo sa isang Christmas Party sapagkat may nakasabit at nakadikit na kung ano-anong palamuti ang buong silid, may nakahandang Sound System at ang mga Lamesa at mgaCrepe paper ang mistulang Mantle nito.

8i-d. Abala na sa ginagawang activity ang mga kamag-aral ng aking datnan at di malaman kung kanino makikigrupo. Arts and Crafts pala ang Events nina Cathlyn at ang tema nito'y i-recycle ang mga Materials. Nakakatulong ang pinapagawa nilang Activity pero di ako nasisiyahan sapagkat sila-sila lamang ang gumagawa at di maipakita ang Skills. Nagkaroon kami hanggang anim na Activity at sa labis na abala, di namamalayang Alas-nuebe y medya na't kailangan ko ng bumaba. Nagsimula na silang kumuha ng pagsusulit pagkapasok ko ng silid. Ang nakakatuwa, open notes subalit naging mahirap pa rin dahil pahirapang humanap ng sagot, bukod pa dun ay No Erasure pa. Dahil hindi basta-bastang humanap ng sagot, medyo natagalan kami at darating sa puntong ibig ng sumuko.

8i-e. Maya-maya pa at kahit di kumpleto ang sagot, ipinasa ko na. Goodluck at sana matamo ko ang magandang marka. Sa oras ng Social Science 4, nanood lamang kami ng Film showing tungkol sa buhay ni Jose Rizal. Sa una, boring panoorin kaya mas gusto ko pang matulog pero ng hulihin si Rizal at dalhin sa Bagumbayan na ngayon ay Luneta para barilin, magkahalong takot at awa ang siyang umiral sa dibdib habang siya'y babarilin at kung ako nasa kalagayan niya, baka mapawiwi na sa sobrang takot. Tapang ni Rizal sapagkat walang takot na hinarap ang kanyang kamatayan at napakamakabuluhan iyon kaya karapat-dapat lamang na bansagang pambansang bayani. Matapos ang pelikula, nagtungo na sa kanya-kanyang kagrupo para mag-ensayo ng tula. Sa halip na mag-ensayo, pinag-usapan lamang namin kung anong gagawin at maya-maya'y nag-uwian na.

8i-f. Ang inakalang maiipit muli sa mabigat na trapiko, nagkakamali sapagkat naging mabilis at maluwag naman ang usad hanggang sa may Manggahan. Hindi pa pala natatapos ang Evangelical Mission ng mga Iglesia ni Cristo at di na mahulugang karayom pagkat milyon-milyon marahil ang mga dumagsa't aakalain mong may nagaganap na Concert. Sa dami'y abot na hanggang COA ang nasasakup nila. Hindi naman gasinong katrapik kaya kaagad na nakarating sa bahay. Matutulog sana ako, di magawa dahil kumukulog na nagbibigay takot sa akin. Ilang sandali pa'y bumuhos na ang ulan at dami pa rin nagsiliguan kahit di naman kalakasan. Kahit umulan, di pa rin sapat para maibsan ang mararanasang init at nagpatuloy ito hanggang sa sumapit ang gabi. Walang magawa kaya panonood muli ng telebisyon ang inatupag. Pumatak na ang Alas-onse ng mapagpasyahang matulog.


May 18, 2016
Wednesday

Year IV-139

8i-g. Hindi pa nawawala ang antok, kinailangan ko ng bumangon para kaharapin muli ang panibagong araw sa pagpasok. Mistulan akong mantikang iika-ika habang kumikilos at may oras na di mapigilang ipikit ang mata pagkat namamayani talaga ang antok pero nilabanan ko. Kahit may kabagalan sa pagkilos, dakong Alas-siete na ng makarating sa Eskwela at sa halip na sa Classroom sa Testing room kami magklaklase ni Ma'am Ria. Marahil tinamad na ang lola mong umakyat kaya doon na naisipang magklase, di naman pala magtuturo kundi tsumika lang ng tsumika at animoy unli si Ma'am sapagkat di nauubusan ng kwento. Nakakatawa naman ang kwento niya kaya kahit direlated sa lesson, itinutok pa rin ang teynga at masyadong poker face kapag mag-react si Ma'am, tapos may nalalaman pang pataas-taas ng kilay.

8i-h. Akala ko, magkukwento lang si Ma'am Lola Basyang sa buong oras ng subject nito, nakapagturo pa din subalit saglit lamang at ng matapos, kanya-kanya na kami sa paglabas. Maaga pa naman kaya nanatili muna sa labas at nagbasa-basa. Hindi naman makapag-concentrate sa binabasa, paano ay maya't maya ang dating ng mga estudyante at nakaka-distract ang kanilang ingay. Makaraan ang mahigit sa kalahating oras, pumasok na ko at doon ipinagpatuloy ang pagbabasa. Sa pagtakbo ng bawat sandali ang unti-unting pagdating ng mga kamag-aral ko hanggang sa pumasok na si Sir Max. Nagtsek lang kami ng kinuhang pagsusulit kahapon. Ang nakakatuwa kay Sir, bawat tanong ay ipinapaliwanag at ang sipag niya kaya marami talagang nalilikom na kaalaman mula sa kanya at isa na siya na maituturing sa pinakamahusay na Professor.

8i-i. Sa kanyang mga sinasabi, tila interesting nga ang pumasok sa mundo ng politika sapagkat bukod sa magkakaroon ka ng kapangyarihan, yayaman ka pa pero ang problema, karamihan sa kanila na ang dahilan kung bakit yumayaman ay dahil sa nangungurakot. Sakit na talaga ng lipunan ang laganap na Corruption at sana'y masugpo na iyon alang-alang sa ikauunlad ng bansa. May mabuti at masamang naidudulot ang Politika. Pagkatapos, tumungo na kami sa kabilang silid. Sa oras ng Social Science 4, nagkaroon muli kami ng Film showing at nakakapanibago si Sir Marvin dahil ngayon lang masigasig magturo. Matapos ay binigyan niya kami ng oras para makapag-practice.

8i-j. Habang abala sa pag-eensayo, isa-isang tiningnan ni Sir ang bawat Cellphone namin kung sino ang nakapunta o hindi sa Luneta Park at Fort Santiago. Umiral ang kaba sa dibdib dahil di pa nakakapunta't ng matawag ang pangalan, nagbigay ako ng dahilan. Mabuti na lang at agad ko siyang napaniwala at dahil sa Biyernes na ang pasahan ng Scrapbook, pinayagan niya ko hanggang Lunes. Nanluwag ang kalooban ng sabihin niya iyon at may puso pa rin si Sir kahit minsan ay below the belt na ang mga banat nitong biro. Saglit lamang kaming nakapag-ensayo't nag-uwian na. Pagkadako sa labas, madilim-dilim na ang kalangitan, hinuhudyat na bubuhos na ang ulan at kasabay ng nagbabantang unos ang pag-usbong muli ng panibagong problema sapagkat nawawala pala ang Payong ko.

 8i-k. Sa takot na mabasa oras na bumuhos ang ulan, nagmadali na sa pag-uwi pero naubutan pa rin ako. Sinabayan pa ng nagniningning pero matalim na Kidlat at nakakabinging dagundong ng Kulog kaya halos ayaw ko ng gumalaw sapagkat nginig na sa takot pero buong tapang na sinuong ang masamang panahon, makauwi lang. Dahil walang panangga, ang resulta'y basang sisiw na nakauwi. Hindi na nakapagkaila pa kay ina at inamin ang totoong dahilan. Di naman ako nasorpresa sa naging reaksyon nito at singtalim ng kidlat ang mga binatawan niyang salita. Hindi naman nakakatulong sa problema ko ang mga sinasabi niya kaya nagmistulang teyngang kawali na lamang ako. Maging sa pagsapit ng gabi ay di pa rin humupa ang pagbuhos ng ulan at nakakatakot pa rin ang mga matatalim na kidlat. Kahit di pa deklaradong opisyal ng nagsimula ang ulan, parang tag-ulan na. Dahil sa pag-ulan, naibsan na ang init na siyang nagbigay sarap sa aming pagtulog.


May 19, 2016
Thursday

Year IV-140

8i-l. Huling dalawang araw ng aming Summer Class at sa halip na tuwa dahil nalalapit na ang aming pagtatapos ay lalo lamang kinakabahan. Ayaw kong maging Pessimistic pero di pa rin mapiglan at patuloy na naiisip, baka ako'y bumagsak. Sa takot na magkatotoo ang aking pangamba, pagdating ng paaralan ay kaagad akong nagrepaso sapagkat magkakaroon pala kami ng pagsusulit sa Industrial Psychology. Sa Testing Room pa rin kami pumasok at ilang sandali pa'y nagsimula na ang pagsusulit. Mukhang malabo ng makabawi sa hirap ng pagsusulit at labis ang aking pangangamote. Kahit di siguradong tama sa mga sinasagot ay umaasang makakatsamba. Ayos na sa akin ang makakuha ng tres, atlis pasado naman kaysa bagsak. Kahit marami pang patlang ang walang kasagot-sagot ay ipinasa ko na.

8i-m. Sa halip na lumabas at dahil maaga pa naman, nanatili muna sa Testing Room. Habang naroroon ay nasilayan ng mga mata kung gaano kadaldal si Ma'am Ria at dami niyang kwento kina Tornito, sobrang paboloso pa magsalita kaya minsan ay natatawa na lamang. Sa nakalipas na higit isang buwan, palagay ko ay may gusto si Ma'am kay Tornito sapagkat kapag klase namin at wala ito, parati niyang hinahanap maging ng Seminar namin. Kung makipagkwentuhan sa kanila, aakalaing Close na Close sa isa't isa at mukhang nagkakapalagayan talaga ng loob. Single pa naman si Ma'am at walang masama kung maging sila, kung magagawa niyang hintayin magtapos si Tornito.

8i-n. Gusto ko sanang makisali kina Ma'am Ria sapagkat nakatunganga lang mag-isa na tila nagmumukmok, kaso pumipigil ang hiya. Hindi ko hilig ang makipag-usap sa mga professor at baka may masabi lang na di nila magustuhan. Makaraan ang ilang sandali, nagpaalam na ko kila Ma'am. Sa oras ng Political Science, tungkol naman sa pampresidente ang itinuro sa amin ni Sir Max. Sa dami ng kanyang mga sinabi, hindi na natapos pa ang dapat ituro pero nabigyan linaw ang aking isip tungkol sa mga naiambag ng naging pangulo ng bansa. Sa oras ng Social Science 4 at habang wala pa siSir Marvin, sinamantala ang pagkakataon para mag-ensayo. Maya-maya pa'y pumasok na ito at di akalain na kami ang mauunang sasalang sa sabayang pagbigkas. Di gasinong na-master ang bawat blockings kaya di maiwasang magkamali't habang nagtutula'y namamayani na ang hiya sa dibdib.

8i-o. Pumalit ang kaginhawaan matapos naming tumula at dahil pupunta pa ng Luneta Park at Fort Santiago, palihim na akong umalis. Sa layo at idagdag pa ang matrapik na lansangan, mga bandang Alas-tres na ng marating ang Luneta Park. Masyadong tirik ang araw kaya labis na pinagpawisan habang kinukuhaan ng litrato ang mga rebultong nakatanghal. Di ko lamang makuhaan ng maayos ang bantayog ni Jose Rizal dahil sa lintik na Photobomber ng Torre de Manila at hirap hanapan ng magandang anggulo. Dapat sa gusaling iyon, i-demolish para manatiling maganda ang Viewat di sagabal sa mga nagbabalak kumuha. Hindi na ko gaanong nagtagal pa at kaagad ng tumungo sa Fort Santiago. Sa layo ng nilakad, hapong-hapo ng makarating doon at habang nililibot ang loob ng Fort Santiago, sumasagi sa isipan ang ala-ala ng magkaroon ng Field trip at napakasaya ng naging karanasan kasama ang mga dating kamag-aral dahil sama-sama kaming namamasyal at pinapasok namin kung anuman ang makitang Landmark. Sa takot na gabihin sa pag-uwi, sumaglit lamang ako doon. Tuluyan ng sumakop ang gabi ng makarating sa bahay at sa gutom, diretso lantak ng ulam. Medyo pagod na ang buong katawan kaya di na nagtagal pa sa panonood ng telebisyon at kaagad ng natulog.


May 20, 2016
Friday
Year IV-141

8i-p. Ang bilis ng panahon at di akalain na nasa huling araw na ng aming Summer Class. Dahil wala ng klase sa Industrial Psychology, dakong Alas-otso na ng maisipang pumasok sa paaralan at pagkarating, mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadatnan. Ilang saglit pa ng pumasok si Sir Max at nagturo. Matapos niyang magturo'y nagkaroon na kami ng Final Exam. Tungkol sa pagkapangulo at senador ang naging laman ng pagsusulit at kahit di nakapagrepaso kung nakikinig ka naman, naging sisiw lamang iyon at isa pa, napaka-common sense ng tanong. Sa dali, kaagad na kong nagpasa. Matatapos na nga ang panahon na kami-kaming magkakasama, may kumuha pa ng libro ni Sir Max at di malaman kung sino ang nakadampot. Mabuti't may kabaitan ang aming guro kaya kahit walang umaamin, di naman ito nagalit. Ang problema, mababalewala ang isang buwan na iginugol namin sa kanya sapagkat di nito ire-record ang aming grade.

8i-q. Dahil sa librong iyan, mukhang babagsak na at sana maisauli iyon. Sa oras ng Social Science 4 at habang wala pa ang presensiya ni Sir Marvin, naging paspasan kami sa paggawa ng mga Activity sa Libro at pagsagot sa take home quiz at hala sige kami sa kopyahan. Makalipas ang ilang sandali, pumasok na si Sir at nagsimula na ang Final exam. Hindi ko alam ang aking isasagot kaya nanghula-hula na lamang at ng matapos, kaagad ng umalis. Masaya ako sapagkat matapos ang isang buwan at kalahati na puro hirap at pasakit pa sa utak, sa wakas natapos din ang akingSummer Class at nawa'y maipasa lahat ng asignatura. Bukod pa dun, lahat ng mga kamag-aral na naging bahagi ng buhay at malapit sa akin, dumating pa ang pagkakataon na maging kaklase muli sila.

8i-r. Pagpatak ng gabi at dahil wala ng alalahanin pa, hayahay mood na sa panonood ng Telebisyon. Hindi pa dinadapuan ng antok kaya naisipan munang manood ng Video. Habang kinakapanayam ng isang istasyon ng Radyo si Mike Padua, isang Weather forcaster, nakakatuwa sapagkat parehas kami ng hilig sa buhay subalit kakaiba lamang dahil bata pa lamang ito, mahilig na sa mga bagyo at i-monitor ang kondisyon ng panahon at dami niyang alam tungkol dun. Bukod pa dun ay mahilig rin ito magbasa ng Geography. Hindi lang nila naitatanong, hilig ko rin ang mga yan sapagkat kapag may paparating na bagyo, madalas akong manuod ng balita at maki-update gamit ang Internet. Isa sa pangarap ko ang maging isang Meteorologist, kaso huwag muna dahil di kaya ng pera at saka na lamang kapag may trabaho na at nakapag-ipon. Sa ngayon, tatapusin ko muna ang kinukuhang kurso. Sana ma-meet ko siya at tiyak na magkakaintindihan at sundo kaming dalawa.


May 21, 2016
Saturday

Year IV-142

8i-s. Pumatak na ang ikawalo ng umaga ng magising ang katawang lupa. Tinatamad pang iangat ang sarili at gusto munang mahiga kahit saglit lamang  subalit tanghali na't kailangan ng bumangon. Pagkaalmusal, sinimulan ko na ang gawaing bahay. Namamayani ang kasiglahan sa aking kalooban kaya ganadong-ganadong magwalis at magpunas. Ng matiyak na malinis na ang kaloob-looban ng bahay, hindi pa napapagod kaya paglalaba naman ang sunod na inatupag. Medyo sinisipag ng lagay ngayon at mukhang makakayang tapusin kahit gaano pa kahirap at kabigat ang ipinapagawa. Saka lamang nakaramdam ng pagkaubos ng lakas matapos maglaba't kasabay niyon ang pagkalam ng kalamnan subalit kailangan pang maghintay sapagkat wala pang nalulutong ulam, kailangan pa tuloy magtiis. Kahit halos sumakit na ang sikmura sa tindi ng gutom ay nakuha pang magbasa bilang libangan. Kahit paano at sa paglipas ng mga sandali'y unti-unting nababawasan ang gutom.

8i-t. Maya-maya pa'y naluto na ang ulam at mas maaga pa sa Alas-kwatro ang paghahain at lantak nito. Kinahapunan, tumungo ako ng Computer shop para asikasuhin ang proyekto sa Social Science 4 na documentary hinggil sa pagtungo ko sa Luneta Park at Fort Santiago. Sa dami ng kailangang gawin at matrabaho pa, inabot na ng tatlong oras na babad ang mata ng matapos ito. Madilim-dilim na ang kapaligiran ng makauwi sa bahay at naghahapunan na rin sila kaya daglian ng kumain. Maalinsangan ang panahon at maingay pa sa labas kahit Alas-dyis na kaya di tuloy makatulog. Ang mga tambay talaga dito sa amin, tila walang takot sa Curfew at bumabalik kapag lumayo na ang nagpapatrolyang barangay tanod, naghahasik lang naman ng kaingayan. Magsawa sila kapag naupo na bilang Pangulo si Duterte at may kalalagyan din sila dahil ipapatupad nito ang malawakang Curfew. Sana tuparin niya ng sa gano'y maging payapa ang sambayanan tuwing gabi.


May 22, 2016
Sunday
Year IV-143

8i-u. Tuluyan ng naghahari ang liwanag sa labas ng magmulat ang mga mata kaya naman di na nagpatumpik-tumpik pa sa pagbangon. Malapit na pala ang panahon ng tag-ulan at sa kagustuhang magkaroon ng sariling payong, matapos mag-almusal ay nagpresinta akong magbantay sa tindahan, di upang tumulong kundi kumupit. Patawarin nawa ako ng maykapal at nila Mama sa aking kapangahasan at kahit binabagabag ng konsensiya, kailangan itong gawin. Kung may alam lamang na paraan para makabili ng Payong, di ko na kailangang mangupit. Kada perang pumapasok galing sa mamimili, sa halip na sa alkansya ay diretso sa aking bulsa.

8i-v. Sa totoo lamang ay hindi na masikmura ng konsensiya ang aking ginagawa. Dahil sa aking kaburaraan, nakakagawa na tuloy ng bagay na masama. Hindi bale, oras na makabili lahat ng nawala, hindi na ito uulitin pa. Panay ang aking pag-iingat sa takot na maulanan ng katakot-takot na salita kapag nabuko. Sa kabila na daan-daan na ang nakukulimbat, di pa naman nahahalata. Dakong tanghali ng tumigil na sa pagtitinda, hindi pa sapat ang pera pambili ng Payong maging mga panyo kaya mukhang kailangan pa ito ulitin. Dinadaga na ng konsensiya ang aking kalooban kaya kating-kati ng magsimba pero di magawa sapagkat walang pamasahe at ayaw kong makaltasan ang aking ipon mula sa kulimbat. Naku at patawarin sana ng maykapal at mas inuuna ko pa ang sariling kapakanan kaysa sumamba sa kanya.

8i-w. Kinahapunan at dala na nababagot, naisipan kong makinig ng musika. Tamang higa lang sa duyan habang nagsa-soundtrip at ang sarap ng buhay. Kinagabihan naman, panonood ng telebisyon ang inatupag at nawili ako sa ipinakitang gilas ng mga Finalist sa Pilipinas Got Talent Grand Finals lalong lalo na si Amazing Pyra na sa kabila na nalapnusan ng balat dahil aksidenteng tinamaan ng apoy ay nagawa pa ring mag-perform para lang mapatunayan niya na siya na karapatdapat na manalo kaso ng announcement na, di pinalad ang Bet ko, nalungkot tuloy ako. Kahit hindi siya ang hinirang, para sa akin siya ang tunay na panalo at isa siyang inspirasyon para sa lahat ng LGBT na namumuhay sa Mundo. Mabuhay ang bakla!


May 23, 2016
Monday
Year IV-144

8i-x. Sumapit nanaman ang araw ng Lunes at pagkagising at bangon, pagbabantay muli sa Tindahan ang inatupag ko at muli nanaman isinagawa ang pangungulimbat. Hindi ko ibig na masanay sa ganitong gawain pagkat batid na ito'y masama kaya ng sumapat na pambili ng Payong, itinigil ko na. Kahit mukhang tutol sila Mama sa aking lakad, maya-maya pa'y naghanda-handa na pagkat tutungo ako ngayon sa Paaralan para magpasa ng Project sa Social Science 4. Kung kailan nasa lansangan na at nag-aabang ng masasakyan, minalas lamang ng lagay dahil inabutan ng ulan. Wala pa namang dalang payong kaya No choice kundi sumilong at magpatila. Hirap talaga ng kalagayan kapag wala kang Payong ngayong dumadalas na ang Pag-ulan at kailangan ko ng magkaroon niyon.

8i-y. Pagkatungo sa paaralan, nadatnan kong dagsaan ang mga estudyante, hindi ko malaman kung anong kaganapan. Nalaman ko lang ng masalubong sina Nicole at sinabing ngayong araw na pala ang simula ng Enrollment. Nakakailang lamang dahil ako lamang ang bukod tanging nakasibilyan. Pagkapasa ng Project kay Sir Marvin, daglian na kong umalis. Dalawang buwan na rin palang di nagpapagupit at dahil mukha ng sanggano sa kahabaan ng buhok, nagtungo pa ng babershop para magpagupit. Habang pinuputulan ng buhok ay naumay ako sa kanilang pinag-uusapan, paano puro tungkol sa kalibugan lalong-lalo na yung matandang lalaki na kung makapagsalita'y tila eksperto na pagdating sa ganyan at halos masuka habang sinasabi nito kung paano gawin ang ganito. Narurumihan na ko sa kanila kaya ibig ng umalis at tama bang pag-usapan iyon, lalo na't di lang sila nakakarinig kundi may ibang tao pa.

8i-z Hinayaan ko na lamang sila at nakisali hangga't may nalalaman. Matapos magpagupit, tumungo muna sa Novaliches Bayan para bumili ng payong. Pagkabili at bago umuwi, naisipan kong magtungo ng simbahan para humingi ng tawad sa nagawang mga kasalanan at sana'y patawarin ako ng maykapal, hindi ko naman ito gugustuhin kung may ibang paraan. Pumatak na ang Ala-una ng makarating ng bahay. Maya-maya'y bumuhos nanaman ang ulan at ito'y napakalakas. Maigi na lamang at nakauwi na. Umandar ang takot sa dibdib ng biglang makarinig ng kulog at sa panahong ito na tag-ulan, madalas nanamang magtatakip ng Teynga. Lumipas ang dalawang oras ng humupa ang ulan pero pagsapit ng gabi, muli nanaman ito bumuhos at di ako makatulog sapagkat kumikidlat-kulog. Marahil ay panahon na ng tag-ulan kaya madalas na ang mga pag-ulan at pinakailangan nanaman ang magdala ng payong.


May 24, 2016
Tuesday
Year IV-145

8j-a. Madaling araw na subalit wala pa ring humpay ang pagbuhos ng ulan na sinabayan pa ng pagkulog at pagkidlat kaya ang takot sa dibdib, patuloy na nangingibabaw na siyang dahilan kung bakit di makatulog. Sa bawat kislap ng nagniningning na kidlat at kalabog ng kulog ay bigla kumakabog ang sindak ko. Sa lakas ng ulan, mukhang sasalubong sa paggising ng lahat ang malawakang pagbaha. Saka pa lamang naging panatag ang pagtulog paghupa ngThunderstorms. Medyo napasarap ang tulog kaya dakong Alas-otso na nagising. Kahit tila bumabagyo na sa lakas ng ulan kaninang madaling araw ay nagpakita pa rin ang Haring Araw subalit di naman nakakapaso sa balat ang init nito.

8j-b. Marahil ay nagsimula na ang panahon ng tag-ulan kaya madalas na ganito na ang panahon at baha muli ang sasagupain, lalo na't matapos ang mahigit sa isang taon na nagdusa sa matinding tagtuyo dala ng El Niño ay pinangangambahan namang dumating ang La Niña na siyang magbibigay ng sobrang pag-ulan. Sa panahon ngayon, kailangan na namin ng ibayong ingat at paghahanda para iwas pagsisisi pagdating sa huli. Matapos mag-almusal, diretso agad ako sa gawaing bahay. Hindi gasinong kaalikabok kaya di naman nagtagal sa pagwawalis at matapos, pagbabantay sa tindahan ang sunod na inatupag.

8j-c. Pagpatak ng hapon at dahil nababato kapag walang ginagawa, naisipang magtungo sa labas at magkumpyuter. Kahit sanay ng mapag-isa, hindi ko pa rin maiwasang mailang habang mag-isang palakad-lakad at gusto ay may kasama. Kahit na ganun ay buong tapang na hinarap ang mga taong nakakasalubong na barkadahang naglalakad at wala dapat akong ikahiya. Pagsapit ng gabi at habang nanonood ng balita, sa wakas ay nagwakas na rin ang panahon ng tag-init at opisyal ng idineklara ng PAGASA ang pag-uumpisa ng tag-ulan. Madalas nanamang nasa bahay nito at di makakapagpatuyo ng sampay sa panahon ng tagbasa. Ang di lamang maganda, perwisyo ang ganitong panahon, lalo na't malapit na ang pasukan at paniguradong madalas muli ang pagsususpinde ng klase at marami ding mai-stranded. Matapos itutok ang mata sa telebisyon, kaagad ng natulog.


May 25, 2016
Wednesday

Year IV-146

8j-d. Napasarap muli ang aking tulog kaya sabog na sabog na ang liwanag sa kalawakan ng magising at bumangon. Nang malamnan ang Sikmurang magdamag na walang laman, pagbabantay muli sa tindahan ang siyang inatupag. Saka lamang itinigil ng makauwi si Mama at siya naman ang humalili. Nanghihina ako kapag paupo-upo lamang at walang ginagawa kaya naisipang mag-ehersiso. Mula ulo hanggang talampakan, hinataw ng todo-todo't labis na nilabasan ng pawis mula sa katawan na halos maligo na at tinakasan ng lakas. Medyo hapo na kaya di ko na tinagalan pa ang mag-ehersiso. Sa kaka-curl upat push up, bahagyang sumakit ang aking mga Tuhod. Pagpatak ng Tanghaling tapat at kahit pumasok na ang panahon ng tag-ulan ay ramdam pa rin ang maalinsangang panahon kaya pagsapit ng hapon, muling nagdilim ang kalangitan, hinuhudyat na nagbabadya nanamang bumuhos ang ulan pero puro pagkulog lamang ang naganap. Walang magawa at bilang libangan, naisipang magkulwit ng Cellphone.

8j-e. Maya-maya, bigla kong natunghayan ang isang Video sa Facebook at nagimbal sa nakita sapagkat isa-isang pinagpapalo ng Lalaki ang tatlong aso ng walang awa hanggang sa mawalan ng malay at matapos ay kakatayin. Umiral ang aking pandidiri ng lagukin nito ang pinaglagakan ng Dugo at matapos ay tatawa-tawa pa na tila may sira sa tuktok. Magkahalong galit at awa ang naranasan ko habang pinapanood iyon at dapat sa demonyong gaya niya, igawad kung anuman ang ginawa nito sa mga aso at bitayin. Kahit na hayop lamang ang mga yun, di dapat pinagmamalupitan bagkus ay inaalagaan at minamahal. Dala ng galit, nagawa ko ng magmura habang nagkukumento at kahit naman na sino, makanuod ng ganung karumaldumal na pagpatay sa hayop, di mapipigilang magningas ang damdamin. Dahil sa napanood, tila ayaw ko ng kumain.


May 26, 2016
Thursday
Year IV-147

8j-f. Dakong Alas-otso ng magising at hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa pagbangon. Matapos kong magkape at dahil bakasyon, pagbabantay muli sa tindahan ang naging pampalipas oras. Sa buong oras na aking pagtitinda, pinakamabili talaga ang Sigarilyo at habang pinagbebentahan ang mga mamimili niyon, pakiramdam ko'y nadadagdagan ang aking kasalanan at parang inilalagay na sa kapahamakan ang kanilang kalusugan. Kahit isipin na tindero lamang at pinili nila ang magkasakit ay di pa rin maiwasang makonsensiya. Hindi ko mawari sa mga tao kung bakit adik na adik sa paghithit ng Sigarilyo. Panahon na siguro na ipatupad ng paparating na administrasyon ang tuluyang pagbabawal sa pagtitinda ng sigarilyo dahil walang magandang maidudulot sa katawan at pinapataas pa nito ang Mortality Rate. Sang-ayon ako kung sakaling ipatupad ang ganoong batas at para madisiplina ang iresponsableng gumagamit ng sigarilyo at manatiling malusog ang bawat sambayanan.

8j-g. Maya-maya'y pumasok na ko ng bahay at nag-ehersiso muli para maging matatag at malakas ang buong pangangatawan. Labis ang aking hapo matapos mag-exercise at sumakit pa ang tuhod. Dahil sa pananakit ng tuhod, nahihirapan ng maglakad at parang nirarayuma ako. Kahit sumakit ang katawan, naaliw naman ako at nakakadagdag resistensiya. Pagpatak ng tanghaling tapat at dala na nababagot, naisipang magbasa-basa. Ng dapuan ng antok at kahit ibig ko pang ipagpatuloy ang pagbabasa, kinailangan na ng matang matulog. Malapit ng gumabi ng ako'y magising, malapit na pala ang hapunan at dahil wala pang nalulutong ulam at abala naman si Mama sa pagtitinda, ako na mismo ang nagluto. Sa sakit ng tuhod, di maiwasang indahin sa tuwing uupo. Matapos at dahil kalam na ng husto ang sikmura, kaagad ng kumain. Pagsapit ng gabi, panonood naman ng Telebisyon ang aking napagkaabalahan. Dakong Alas-onse na ng mapagpasyahang matulog.


May 27, 2016
Friday
Year IV-148

8j-h. Dalawang araw na lamang at bukas ay kaarawan ko nanaman pala. Sa ganda at luningning ng napaginipan ko'y maliwaliwanag na sa labas ng tuluyang magdilat ang mga mata. Nang makapag-agahan, diretso gawaing bahay ako. Hindi na kasing sakit gaya ng kahapon ang tuhod kaya maayos ng nakakakilos. Mukhang sinaniban ng sigla at lakas kaya medyo sinisipag-sipag sa paglilinis sa loob ng bahay. Matapos ang gawaing bahay, saka lamang nagkaroon ng oras para asikasuhin ang pagtitinda. Mukhang mapaglaro marahil ng pagkakataon sapagkat kung kailan nakabantay sa tindahan, bibihira naman ang dating ng mamimili at kung minsan ay wala talaga pero kung kailan nasa loob ng bahay at may ginagawa, saka ang nagkakasunod-sunod ang mamimili. Ilang sandali pa at gawa na di na matiis ang gutom sa Sikmura at oras na rin ng tanghalian, itinigil ko na ang pagtitinda.

8j-i. Kahit tag-ulan na'y dama pa rin ang maalinsangang panahon at nakakatupok pa rin ang sinag ng araw kung magbibilad ka. Pagpatak ng hapon at dala na nakakabatong manatili sa bahay, naisipan kong maglakwatsa. Kina Angelica ako nagtungo subalit abala ito sa ginagawa kaya sumaglit lamang at kila Ate Bing naisipang gumawi. Pagkadako sa kanila, kakulitan nila Aira ang sumalubong sa akin at kung ako ang nasa katayuan ni Ate Bing, malamang ay Stressful na ang araw. Wala ngang ginawa si Ate kundi sigawan at sawayin ang mga anak nito pagkat napakakulit. Kahit panay ang saway ng Ate Bing, nagawa pa ring magkwentuhan. Inabot na ko ng gabi ng makapagpaalam sa kanila. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya bumalik kina Angelica at saktong naghahapunan na sila. Nahihiya man at dahil sa kakakulit sa pag-alok, sa kanila na rin nagawang maghapunan.

8j-j. Ilang sandali'y tumungo na kami sa bagong bahay ng mag-asawang Angelica at Rachid. Walang magawa at kahit hindi hilig ay naglaro pa rin ng baraha at nakakalibang lalo na kapag Lucky 9 at Solitaire pero ng Tong it na at dahil di iyon alam laruin, doon na ko umayaw. Talino talaga ni Rachid at marami siyang alam pagdating sa Science. Dahil sa pag-uusap at pagkakaintidahan naming dalawa, mukhang magkakasundo kami. Hindi nagkamali si Angelica na si Rachid ang gawing kabiyak dahil bukod sa makisig, maginoo at matalino pa. Sayang lang at dahil sa kahirapan, mukhan iyon ang hadlang para lumayo ang kanilang marating. Alas-nuebe na pala kaya kinailangan ng umuwi. Pagdating ng bahay, mabibigat na Sermon ni ina ang sumagupa sa akin. Ngayon nga lang ako lumayas, ganito pa ang maririnig.

8j-k. Hindi ko na ibig na lumaki pa ang away kaya tikom ang bibig at hinayaan na lamang ito. Kahit nakatikim ng malasiling sermon, naghari ang tuwa ng mabalitaang natapos na ang Canvassing ng boto at lumalabas na si Leni Robredo ang nagwagi sa Vice Presidential Race at si Rodrigo Duterte naman pagdating sa Presidential Race. Patunay na walang dugaang nangyari kahit sabihin ng Marcos Supporters na niluto ang bilangan ng boto. Natutuwa ako pagkat para na ring nanalo ng manalo ang aking binoto at tama lang na siya ang maluklok sa pwesto sapagkat siya ang karapatdapat, isang ina at babaeng may malinis na kalooban at kailanman ay di magagawang mangulimbat. Marahil, sukang-suka na ang nakararami sa pamumuno ng mga Marcos at mapapalad ang mga nabuksan ang isip pagkat alam nila ang katotohanan. Sa mga nagbubulag-bulagan pa rin, langit na ang bahala sa kanila.


May 28, 2016
Saturday
Year IV-149

8j-l. Bisperas ng aking kaarawan. Sa ganda muli ng napaginipan at sarap ng tulog, tirik na ng husto ang araw ng magising at bumangon. Sadyang napakaaliwalas ng panahon at tila walang nagbabantang unos at magiging maaraw sa maghapon. Matapos lamnan ang Sikmura, pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko. Nakokonsensiya man, kailangan itong gawin, makabili lang ng Charger. Nang sumapat na, saka lamang ako tumigil sa pangungulimbat. Pagpatak ng tanghaling tapat at matapos kumain ay nagbihis na pagkat tutungo ngayon ng Ever Gotesco Mall. Habang lulan ng Tricycle at nag-aabang na umandar, medyo minalas nga naman ang araw, paano'y nagkataong nakasabay ang mokong na lalaking kinaiinisan ko. Sino ba naman hindi maiinis dun, ang yabang-yabang at idagdag pa ang pagiging balasubas nito kapag bumibili. Labis na kong naalibadbaran ng mga oras na yun at darating sa puntong ibig ng bumaba pero pinili pa rin makisama sa kanya at nagtiis.

8j-m. Sumidhi pa lalo ang pagkairita ng birubiruin niya ko't hindi porket malaki ang katawan at sisiga-siga sa aming lugar, akala'y titiklop na ko't hindi ko siya uurungan! Kahit asar na asar na, nagawa pa ring makipag-usap ng maayos sa kanya pero ng pagkababa ko, doon na nakaranas ng pambabastos. Kung makaasta'y tila walang pinag-aralan at utak kalye siya! Labis na ang aking pagkabanas kaya walang takot na nagpamalas ng angas sa kabila na malamaton ang katawan nito at muntikan ng mag-eskandalo subalit di na natuloy pagkat palayo na ang sinasakyan nito. Kupal siya at hindi porket ganito na palambot-lambot ay magagawa niyang kayan-kayanin. Sa sobrang yamot, hindi na alam kung ano pa ang magagawa kapag nagkatagpo muli kami at malas niya kung nangyari yun.

8j-n. Pagkabili ng Charger at iba pang kagamitan sa Ever Gotesco Mall, kaagad ng umalis subalit di muna umuwi at nagkumpyuter pa. Nang makarinig na kumukulog, kinailangan ng itigil ang pagkukumpyuter at baka abutan ng ulan. Kasing itim ng uling ang kalangitan at di na mapigilan ang sindak sa dibdib habang naglalakad pauwi sapagkat nakakagimbal ang naririnig na pagkulog. Sa takot, tago agad sa kwarto pagkauwi ng bahay. Maya-maya, biglang nagliwanag ang buong kapaligiran sa lakas at talim ng Kidlat at parang nayanig ang aking kinalalagyan ng kumulog ng pagkalakas-lakas na animoy may sumabog na bomba.

8j-o. Lalo pang dinagsa ng takot ang dibdib matapos niyon at labis ng pinagpapawisan. Grabe ang lakas ng kulog, nakaka-shock. Saka lamang lumabas ng kwarto pagkatila ng Thunderstorm. Sa talim ng Kidlat, nawalan na tuloy kami ng Internet Connection, maigi na lamang at di tinamaan ang kuryente. Walang magawa kaya naisipan kong manuod ng telebisyon. Parang sinindihan ng Posporo ang dibdib ng mapanuod sa Imbestigador kung paano walang awang ginagahasa ng manyakis na lalaki ang dalawa nitong Pinsan at matapos ay tinakot-takot pa, kaya ang nangyari, di sila makapagsumbong. Dumating ang panahon, nalaman rin ng ina ang tungkol sa pambababoy ng lalaki sa dalawa nitong anak at napalitan ng tuwa ang kaninang nagngangalit na dibdib ng maaresto ito.

8j-p. Sa panahon ngayon, ang masasamang loob nga naman, nagagawa na ang bagay na napakaimposible at karumaldumal kaya nakukumbinsi na ko na marahil ay dapat ng ibalik ang Death Penalty, ng sa gano'y matakot na silang gawin ang kademonyohan sa buhay at maging ligtas ang bawat isa sa atin. Pagpatak ng gabi at pagkauwi ni Papa, saktong may dala itong pasalubong at iyon ang naging hapunan namin. Matapos maghapunan, tumungo muli kina Angelica subalit sumaglit lamang ako pagkat lasing na lasing na ang asawa nito at ayaw kong makasagabal sa kanilang Stretching. Kina Cathy ako sunod na gumawi. Sa takot na mabagansya, Alas-nuebe pa lang, kinailangan ko ng umuwi. Medyo pagod at lumalalim na din ang gabi kaya hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa pagtulog.  


May 29, 2016
Sunday

Year IV-150

8j-q. Today is my special day and celebrating my 20th birthday. Kahit na walangparty at handa-handa, mananatiling masaya pa rin ang aking kaarawan sapagkat nakaabot sa dalawang dekada ang buhay kahit na puro di magaganda ang napagdaanan. Keep smile pa rin kahit hinaharap ang mabibigat na problema dahil batid ng isip na malalampasan ito. Nakakagulat lang dahil di namamalayan, tumatanda na pala ako. Ang hiling ko lang sa Puong Maykapal ay bigyan niya ko ng maayos na buhay at palawigin pa ito. Labis ang aking pasasalamat sa kanya dahil eksaktong dalawang dekada ng buhay at sana tumagal pa sa mundong ibabaw. Medyo napasarap muli ang tulog at idagdag pa ang magandang napaginipan kaya tirik na ng husto ang araw ng magising. Pagkabangon, natutuwa ako sapagkat pagbati agad ni ina ang siyang bumungad at kahit madalas ay di nagkakasundo, pakiwaring may pagmamahal pa ring ipinapakita sa akin.

8j-r. Matapos mag-almusal at kahit na kaarawan, parang ordinaryong araw lamang ito sapagkat ginagawa pa rin ang madalas gawin sa araw-araw gaya ng pagtitinda at pagwawalis. Naging abala ako sa pagtitinda ng mga oras na may pinuntahan si Mama. Ilang sandali pa ang makalipas, nakauwi na si Mama at may dala itong pasalubong na Chocks To Go na siyang nagsilbing panghanda sa aking kaarawan. Kahit di pa kumakalam ang Sikmura'y agaran ng nilantakan at halabira sa pagbanat ng manok hangga't may nasisimot pa. Sa linamnam at lasa ng Roasted Chicken, hindi na nagpakahinay pa sa pagkain. Kahit di magarbo ang handaan ay napaligaya naman ako ng simpleng manok sapagkat nabusog ang aking kalamnan at nagpapasalamat kay Mama dahil naisipan pa niya bilhan ng panghanda

 8j-s. Pagpatak ng hapon, bumuhos nanaman ang ulan kaya ang takot, muling nangingibabaw sa kaloob-looban. Marami-rami rin ang nagsiliguan, bata man o matatanda at masayang-masayang nagliliwaliw kaya nainggit ako at gusto makisali kaso naligo na. Pagkatila ng ulan, lumabas ako at nagtungo sa Computer Shop. Nilooban ng tuwa ang dibdib sapagkat sangkaterba na ang bumati sa akin sa Facebook, kahit ang ilan dun ay di ko kilala, ang mahalaga'y naisipan pa ring bumati. Matapos ay tumungo ako sa bahay nina Angelica at kwentuhan kami. Maya-maya, bigla silang nagtalo ni Rachid dahil sa isang bagay na di napagkaintindihan. Ibig ko sanang awatin ang dalawa, kaso baka sa halip na magpahupa ay makalala pa kaya umalis muna at sa bahay nina Cathy nagtungo. Lalo pang sumaya ang aking kaarawan habang nasa puder nila sapagkat wala kaming ginawa kundi humirit ng mga Jokes.

8j-t. Ang ingay tuloy namin sapagkat panay ang hagalpakan at laughtrip kami. Si Jaka naman, kahit na nakakairita na minsan ang kakulitan, nakakaaliw naman dahil napakabibo. Sa saya, inabot na ng gabi sa kanila. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya bumalik kina Angelica. Pagkatungo ay saktong naghahapunan sila at matapos ay muli kaming naglaro ng baraha. Dahil di bihasa sa paglalaro ng baraha, parati akong talo at taya pero ayos lamang dahil libangan lang naman at walang sugalan ng pera. Lubhang napasarap sa paglalaro ng baraha kaya di namalayang malapit ng pumatak ang Alas-nuebe at kahit nasa bente na kung mabagansya naman kapag napagkamalang menor de edad ay kinailangan ng umuwi. Marahil, isa na ang taong ito sa pinakamasayang kaarawan na nairaos sapagkat may mga taong nagpapaligaya sa akin. Sana dumating pa ang mga kaarawan sa akin na punong-puno ng saya kahit simple lang.


May 30, 2016
Monday
Year IV-151

8j-u. Nairaos nga ang aking kaarawan ng may saya subalit hindi naging kagandahan ang umaga sapagkat nasiraan naman ng sikmura. Makailang beses ng labas-masok sa banyo at di malaman kung anong pagkain ang nakadali. Marahil ay LBM lamang ito kaya ganito ang kalagayan. Kahit panay ang pagdurumi, nagawa pa ring gampanan ang gawaing bahay. Maya-maya at dahil sa paulit-ulit na pagdumi na puro tubig lang ang inilalabas, doon na nakaramdam na parang nanamlay, nagpahinga muna ako. Sumapit na ang tanghali subalit wala pa ring humpay ang aking pagdumi kaya lalo pang nanghina't nawalan na rin ng gana sa pagkain. Akala ko, simpleng LBM lamang ito subalit mauuwi sa matinding Dehydration.

8j-v. Gustuhin man uminom ng uminom ng maraming tubig, kaso walang lakas na ubusin kahit isang baso lang at baka maisuka ito. Pagkalabas ng banyo, naulinig ko na tila may nagpapalitan ng lakas sa labas. Kahit ninakawan ng lakas ay nagawa pa ring makiusyoso at hala sila sa palitan ng maaanghang na salita at malulutong na mura. Ang yayabang nila't puro satsat lang naman. Ano pa nga bang bago sa lugar namin, magulo at may mga araw na nag-aaway. Nang hindi na makayanan pa ang tumindig, saka ko lamang itinigil ang pakikiusyoso. Dahil sa aking panghihina, maghapong nakaratay sa kama. Napakasakitin ko talaga at marahil ay maglalabas nanaman ng sangkatutak na salapi sila ina, maipagamot lang ako.

8j-w. Sa halip na mag-alala sa aking nararamdaman, pinaulanan pa ng namimilansik na Sermon at halungkat ng bagay para may maisisi sa akin kahit tapos at matagal na. Ganyan naman parati si Mama, sa tuwing may magkakasakit sa amin, nagbubunganga at mahilig manumbat subalit inintindi na lamang siya kahit nasasaktan ang kalooban. Ang hindi lang niya alam, hindi ko ninais na magkasakit sapagkat batid ng isip na kaakibat nito ang gastos subalit may mga bagay talagang mahirap iwasan kahit di mo gustuhin. Kinagabihan, sumidhi pa lalo ang panghihina dahil sa Diarrhea at nilalagnat na rin. Napakasama na ng pakiramdam ko kaya sa halip na ibabad ang mata sa Telebisyon ay mas piniling magpahinga na lamang. Hindi naman makatulog sapagkat patuloy na iniinda ang pananakit ng katawan at nginig na nginig sa ginaw.


May 31, 2016
Tuesday
Year IV-152

8j-x. Madaling araw ng magising ako, tuluyan ng bumaba ang lagnat at humupa na rin ang pagdurumi subalit pumalit naman ang pananakit ng ulo. Gawa na masakit ang ulo, maya-maya pa'y nagsuka na. Hindi ko matukoy kung anong sakit ang dumapo sa katawan kung bakit ganito ang nararanasan. Suki na marahil ako ng mga sakit at kailangan ng palakasin ang resistensya. Sa sakit ng ulo, hindi na muli pang magawang matulog at di makomportable, nakaidlip naman kinalaunan. Pagkagising, umaga na pala. Medyo nanghihina pa kaya di agad makabangon subalit kailangan kong bumangon at kumain para lumakas. Tanging Lugaw at Biscuit lang ang naging agahan ko at dahil sa pananamlay, walang kagana-gana sa pagkain at tila maduduwal kung uubusin.

8j-y. Matapos mag-almusal at dahil may karamdaman, nahiga muli ako. Patuloy pa ring nararanasan ang pananakit ng ulo at parang tinutusok ng karayom kaya halos umiyak na sa sakit. Ilang sandali pa, tumungo nanaman sa lababo at nagsuka. Hindi lang isa kundi maraming beses ng nagsuka at kada kinakain ko'y isinusuka lamang. Dahil medyo nababahala na sina Mama at Papa, kinahapunan at kasama si Papa ay nagtungo na sa Ospital para magpa-check up. Balak sanang i-admit subalit di ako pumayag at ng maresetahan ng gamot, nakakalula pagkat umabot sa libo ang gastos.

8j-z. Sa halip na mapunta sa pangunahing pangangailangan ang pera ay napupunta lang sa aking pampagamot, di tuloy mapigilang ma-guilty. Kung kapos ka sa pera ay bawal ang magkasakit. Pagkauwi ay kaagad akong nagpahinga at malapit ng maghapunan ng magising. Nananatili pa ring matamlay sa kabila na maghapon ng nagpahinga at wala pa ring kagana-ganang kumain habang hapunan. Kinagabihan, bahagyang umigi-igi ang pakiramdam ko kaya nagawa ng manuod ng telebisyon. Matapos ay di na nagpuyat pa at kaagad ng natulog. Sana'y gumaling na ko at huwag ng magkasakit pang muli kung gastos naman ang hatid nito.