March 01, 2016
Tuesday
Year IV-061
Tuesday
Year IV-061
7x-w. Dama pa rin ang antok sa mga mata kahit nakatulog
na at tila nabitin ako sa pagtulog at ibig pang lasapin ang nakahimlay sa kama.
Maliwanag na sa labas at dahil marami pang dapat gawin ay hindi na nagpatumpik-tumpik
sa pagbangon. Matapos uminom ng mainit na kape'y sinimulan ko na ang paglalagom
ng mga ng taong aking kinapanayam. Madali lamang ito subalit nai-stress pa
rin ako pagkat napakarami't malabong matapos ngayon. Tatlong oras ko ng
isinasagawa ang pagbubuod subalit hindi pa nangangalahati at pagod na ang mga
daliri sa kaka-type. Pagsapit ng tanghali at gawa na tinamaan na ng
katamaran sa pagbubuod at kumakalam na rin ang Sikmura'y itinigil muna ang
pagbubuod at kumain. May uniporme pa palang kailangang plantsahin pagkat wala
ng matinong isusuot bukas kaya ng makapagpananghalian, pamamalantsa ang
inatupag. Tila nagkasabay-sabay nga ang mga gawain at di na makakapagpahinga,
tapos gagawa pa ng repleksyon at kailangan ko muling tumungo sa bahay ng kamag-aral
upang tumulong sa paggawa ng Thesis.
7x-x. Tinatamad man ako at inaantok na rin, kailangan
itong gawin upang makapasa. Sa dami ng dapat isulat sa reflection ay
inabot na ng isang oras ng matapos ito. Maya-maya pa'y nagbihis na ko't tumungo sa bahay ni Ate Venus.
Pagkadako sa kanila, si Mary pa lamang ang nadadatnan ko
at ito'y abalang-abala na sa paggawa ng Thesis. Bukas na ang
pasahan niyon kaya aligagang-aligaga kami sa paggawa ng Thesis at
sa kakulangan ng oras ay naghahabol na. Kainis pagkat di gumagana ang utak ko't
nabablangko, halos mangamote na habang nakikiisa sa paggawa. Grabe talaga
si Sir Barrion at labis niya kaming pinahihirapan at
magkakasakit dahil sa kanya. Ilang sandali pa ng dumating naman si Vladimir kaya
lalo pang napadali at napabilis ang aming gawain. Sa labis naming pagkukumahog,
matapos lamang ang Thesis ay di napansing papagabi na.
7x-y. Hindi ko sana balak ang mag-over night sa
kanila pagkat walang dalang dami o unipormeng gagamitin sa pagpasok bukas
subalit sadyang mapilit sina Ate Venus at isa pa'y
ipinagpaalam naman kay ina kaya hindi na nakahindi pa. Kahit nalulugmok na ang
mga mata at sumasakit na ang bungo sa kaiisip ng isusulat ay di naman madama
ang matinding stress pagkat nakakatuwa silang kasama at
kakwentuhan. Sa kakatawa ng walang humpay ay bigla akong
sinikmura subalit nakakaya pa naman ang sakit. Kinagabihan ng dumating naman
ang isa pang kamag-aral na si Limboc. Sa dami pa ng dapat isulat
sa Thesis, mukhang magdamagan ang aming puyatan. Sumasakit na ang Tiyan
ko't pamaya't maya ang pagpapakawala ng masamang hangin subalit di maaring
tumigil at kailangang tumulong. Sa sobrang aligaga namin sa paggawa ng Thesis,
di namalayang lumalalim na ang gabi.
March 02, 2016
Wednesday
Year IV-062
Wednesday
Year IV-062
7x-z. Sumapit na ang madaling araw subalit heto pa
rin kami't nanatiling dilat ang mga mata at abala sa paggawa ng Thesis lalong
lalo na si Mary na ilang oras ng babad ang mata sa Laptop,
matapos lamang ang Thesis. Hanga ako sa kanya sapagkat kahit kita
na sa mga mukha ang pagod at sumasakit na raw ang daliri, nagpapatuloy pa rin
siya at ramdam ko ang kanyang determinasyon. Maya-maya pa'y natulog na
sila Mary at Ate Venus at ako na ang
nagpatuloy sa pagta-type. Kahit ilang beses ng nagpakawala'y tila di
nababawasan ang pananakit ng Tiyan at mukhang sasamain ito. Hindi ko mabatid
kung anong pagkain ang dumali't nagkakaganito ang sikmura. Dakong Alas-dos na
ng matapos ko ang pinapagawa ni Mary at saka lamang
napagpasyahang matulog. Hindi naman makatulog pagkat dama ang pananakit ng
Tiyan at nakailang balik na sa banyo.
7y-a. Unang beses lamang ito nangyari sa buhay na
nagpakapuyat ng labis-labis dahil sa Thesis na iyan. Dakong ikaanim na ng ako'y magising at agad ng
lumisan sa kanila. Bagsak na bagsak na ang mga mata ko sa antok at idagdag pa
ang pagloloko ng sikmura kaya pagdating ng sariling tahanan ay agaran akong
nagpahinga at napag-isipang lumiban na ng klase. Humupa naman ang pananakit ng
sikmura kaya nakatulog ako ng maigi at kay sarap magpahinga kung natapos mo na
ang gawain at wala ng pinoproblema pa. Kaso iniisip ko kung naaprubahan ba ang
ginawang thesis o ibinasura't sa
tuwing sasagi iyon sa isipan ay di mapigilang mangamba.
7y-b. Nawa'y di maganap ang aking pangamba at di
kakayanin kapag napunta sa wala ang napaghirapan at bumagsak. Medyo napasarap
ang tulog kaya oras na ng tanghalian ng ako'y magising at agarang lumamon.
Matapos kumain at dahil walang maisipang gawin, muli akong natulog at ginawa
iyon sa maghapon. Kinagabihan at matapos manuod ng paboritong programa'y
naisipan ko munang makinig ng Musika. Makabagbag damdamin talaga sa pandinig
ang awiting aking pinapakinggan at parang hinugot sa dibdib ang mga mensahe.
Kaagad na kong natulog matapos makinig ng awiting hugot na hugot.
March 03, 2016
Thursday
Year IV-063
Thursday
Year IV-063
7y-c. Pumatak na ang Alas-sais ng magmulat ang mga mata
at bumangon. Sa di inaasahan at habang nasa biyahe ay naipit lamang ako sa
napakabigat na trapiko kaya dakong ikawalo na ng marating ng yapak ang
eskwelahan. Pagkapasok ng silid, wala pa si Ma'am Anna Marie at
mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadatnan subalit nandoon si Kuya
Astrid at siya muna ang pansamantalang humalili kay Ma'am at namahala
sa klase. Nagkaroon lamang ng pangkatang pag-uulat subalit hindi naman
maintindihan at marinig pagkat namamayani ang ingay at tila wala ngang
kapaguran sa pagbuka ng bibig. Maya-maya'y oras na ng Education 5 at
pangkat nila Vanessa ang nakasalang para sa Demo
Teaching. Hindi pa rin limot ng isipang ang kaganapang hindi
katanggap-tanggap sa akin noong aming Demo teaching at umiiral
ang inis sa dibdib sa tuwing naaalala iyon, kaya ng sila'y magpalaro ay di ako
nakiisa't umupo lamang. Masaya at kakikitaan ng kaaliwan ang kanilang palaro
subalit ang ingay at nagsisigawan, ano pa nga bang bago?
7y-d. Matapos nilang magpalaro'y sila'y nag-ulat na.
Pagkatapos ay kanya-kanya kaming bato ng Feedback sa kanila at
karamihan sa mga komento ay puro negatibo. Ilang sandali pa'y lumabas na
si Ma'am Joyce (Geronimo) at habang di pa nakakapasok si Sir
Barrion ay lumabas muna kami. Ipinabatid ni Eloisa na may
isinasagawang Blood type testing sa Science Department,
di ko pa alam kung ano ang Blood type ko at sa kagustuhang
malaman, tumungo kami doon subalit ang haba ng pila. Ng mainip sa kakahintay at
makaramdam ng gutom, umalis muna kami at kumain. Habang nakain, daming alam na
kalokohan at kalandian itong si Kalvin kaya di mapigilan
ilabas ang kanya-kanyang mga pangil at masyado itong pakwela. Napasarap ang
aming kwentuhan at tawanan kaya di namamalayan ang oras at patapos na pala ang
oras sa Educational Psychology.
7y-e. Pagkabalik ng silid ay saktong papalabas na
si Sir Barrion at sinamantala ang pagkakataon upang ipasa ang
ginawang Reflection paper subalit pataray niya itong
tinanggihan at sinabing sa Lunes na raw. Sa ginawa ni Sir, lalo pang nadagdagan
ang inis sa dibdib at kaka-turn off siya! Akala ko ng unang
makilala ito, mabait pero may tinatago palang kulo at tila pinaglihi sa sama ng
loob. Hindi ko ibig ang paraan ng pagtuturo niya pagkat di ko naman ma-appreciate at
kakaumay pa minsan pagkat nilalahukan ng kalibugan at dinudumihan niya ang
pag-iisip ng mga mag-aaral. Sa kanyang mga ipinapakita sa mga nakalipas na
panahon na guro ito, sapat na ang dahilan upang kasuklaman ito. Hindi ko na
mamataan pa sina Eloisa at Gin Rhead kaya ako
na lamang mag-isang tumungo sa Science Department upang magpa-blood
type.
7y-f. Magkahalong sabik at kaba ang nadarama ko sa dibdib
ng mga panahong iyon at palaisipan kung anong uri ng dugo ang nanalaytay sa mga
ugat. Pagkaturok at suri, laking gulat pagkat ang lumabas ay Type O,
nangangahulugan na pwede akong salinan kahit anong uri ng dugo't nakakatuwa. Pagkatapos ay tumungo muna ako sa Library upang
hanapin sila Gin Rhead at Eloisa subalit si Christian lamang
ang nadatnan ko at nag-usap-usap. Ilang sandali pa'y umuwi na ko. Dahil sa
susunod na Linggo na ang pasahan ng Case Study sa Abnormal
Psychology ay walang ibang inatupag kundi iyon at di talaga biro ang
gumawa pagkat nangangailangan ito ng Assestment. Hanggang sa
pagkagat ng dilim ay iyon lamang ang siyang pinag-ukulan ng panahon at
determinadong matapos sa lalong madaling panahon subalit tila malabo ang aking
hinahangad. Pagsapit pa lamang ng Alas-dyis at gawa na lugmok na ang mga mata
sa antok ay inihimlay ko na ang sarili sa malambot na kutson.
March 04, 2016
Friday
Year IV-064
Friday
Year IV-064
7y-g. Kasing kulay ng mga bahaghari ang napaginipan ko
dahilan kung bakit tinanghali na ng gising at anong sigla muli ang siyang
namamayani sa dibdib kaya may kasiglahan din akong bumangon. Matapos
mag-agahan, ipinagpatuloy ko na ang paggawa ng Case Study.
Maya-maya pa'y kumain na ko't nagbihis. Pagkadako sa unibersidad ay laking taka
at gulat ko pagkat namantsahan ng grasa ang aking Sapatos maging ang pantalon.
Nakapanputi pa naman magmula itaas hanggang talampakan kaya kitang-kita kung
gaano kadugyot ang aking kasuotan at hindi na maiwasang madungo. Sa hiya,
patakip-takip akong naglalakad at ibig ko ng umuwi. Gumawa ako ng paraan para
matanggal ang nanunuot na grasa sa Sapatos subalit sadyang napakakapit at hirap
mapaputi. Ayaw ko ng tumuloy pa subalit sayang naman ang
pagpasok at isa pa, ayaw ko ng madagdagan pa ang Absent kaya
lakas loob na nagpakita sa mga kamag-aral at hinarap.
7y-h. Laking tuwa
ko ng ianunsyong hindi makakapasok si Ma'am Joyce (Llardizabal) at
ng makapagsulat sa attendance ay daglian ng umalis. Sa wakas
at makakaahon na rin sa kahihiyan at kailangan ko ng mag-ingat sa susunod ng
hindi na maulit ang bagay na magbabaon sa akin sa kahihiyan. Pagdating ng bahay
ay pagkukuskos agad ng Sapatos ang inatupag. Sadyang napakakapit ng grasa kaya
pahirapan itong tanggalin at mukhang malabo ng maibalik sa dati nitong
kaputian.Matapos ang pagkukuskos ko ng sapatos ay tumungo naman ng Computer
shop upang gumawa ng Case Study. Naging napakaabala ako sa
paggawa niyon kaya inabot na ko ng higit sa dalawang oras na babad ang mata sa Monitor.
Kinagabihan, sinimulan ko ng isagawa ang assestment at si Mama
ang isinailalim doon. Hindi naman naging mahirap sa akin iyon kaya kaagad din
natapos. Matapos manood ng telebisyon at gawa na maaga pa ang pasok bukas,
agaran na kong natulog.
March 05, 2016
Saturday
Year IV-065
Saturday
Year IV-065
7y-i. Papalitaw na ang Haring Araw subalit ang antok sa
mga mata'y di pa rin maparam-param. Ibig ko pang mahimlay at matulog subalit
kailangan ko ng wakasan pagkat may pasok pa ngayon. Nahirapan tuloy sa pagkilos
pagkat ako'y pupungas-pungas. Pagkadako ng yapak sa Unibersidad, laking gulat
ko pagkat kami na pala ngayon ang mag-uulat sa Exceptional Psychology.Habang
mangilan-ngilan pa lamang kami at di pa nakakarating si Ma'am Anna
Marie, nirepaso ko ang aking iuulat at di na mapigilang kabahan, lalo na't
kapos na kapos na sa oras upang makapaghanda subalit kakayanin ito. Sa halip na
si Ma'am ay si Kuya Astrid pa rin ang namahala sa klase at
nagsimula na nga ang pag-uulat namin. Hindi ako agad makapagsalita ng maigi
pagkat ang patuloy na umiiral ang kaba. Parang nasa alapaap ang pakiramdam
matapos kong mag-ulat. Sa oras naman ng Education 5 ay
nagkaroon lamang ng Demo Teaching at palaro subalit di ako
sumali at nanood lamang.
7y-j. Pagkatingin ko sa bag ay doon napansin
na nawawala ang aking Salamin. Labis ang
pagtataka ko pagkat inilagay lamang ang Salamin sa lagayan ng baunan sa bag kanina
subalit ng balikan ay nawawala na. Hinalughog ko na ang buong silid,
nagbabasakaling nailagay lamang kung saan subalit di masumpungan at labis na
ang pagkabalisa't dismaya ko. Napakaburara ko naman talaga't parating may
nawawalhang gamit. Hirap pa naman tumungin kapag di suot ang Salamin at
nakakahilo. Dahil sa ipinakitang bagay ni Sir Barrion na di
naging katanggap-tanggap sa akin at hanggang ngayon ay nakatanim pa rin sa
isipan, napagpasyahan kong huwag ng dumalo sa Educational Psychology at
umuwi na lamang. Isa pa'y di ko pa siya ibig kaharapin at makita't lalo lamang
ako naba-badtrip, lalo na't nawawala ang Salamin.
7y-k. Makataray, akala kung sino at nawawala na ang
respeto sa kanya. Mas maanghang pa sa siling Labuyo at naglalagablab na salita
ang natikman ko ng mabatid nilang naiwala ang Salamin ko lalong-lalo na si ina
at dami niyang sinasabi. Kinalaunan
ay huminto naman sila't binigyan ni ama ng pampasukat ng Salamin. Kapag si
Papa, wala ng sabi-sabi at bigay na agad. Nang masukat ang aking grado ay
laking tuwa pagkat ito'y bumaba subalit dalawang araw muna akong magtitiis na
malabo ang paningin pagkat sa Lunes pa makukuha ang Salamin. Di ko sana ito
dadanasin kung naging masinop at maingat lamang. Pagkauwi at dahil walang
magawa, paglalabada ang inatupag ko.
7y-l. Kinagabihan at kahit may kalabuan ang paningin at
hirap makakita ng ayos ay panonood pa rin ng Telebisyon ang siyang libangan.
Hindi ko kinaya ang natunghayang kwento sa Maala-ala mo Kaya at
nakakadurog ng Puso pagkat ilang ulit na ngang ginahasa at binaboy ang katawan
ng babae ng kanyang Tiyuhin, di pa siya pinaniniwalaan ng Nanay at parating
pinaparatangan ng masama. Bukod pa
roon ay hinayaan lamang siyang magdusa sa kamay ng Manyakis na Tiyuhin hanggang
sa manganak. Mas masahol pa sa kriminal ang pag-uugali ng kanyang ina't di
dapat mahalin at galangin ang ganung klaseng ina! Kahit na minsan ay
napapagalitan nila Mama at Papa at napagsasalitaan ng di maganda, mapalad pa
rin ako dahil naipakita nila ang pagmamahal at pagmamalasakit sa akin at di
kailanman pinabayaang masadlak sa pagdurusa. Hindi na ko maghahangad pa ng
ibang magulang pagkat kuntento na sa kanila.
March 06, 2016
Sunday
Year IV-066
Sunday
Year IV-066
7y-m. Araw ng Linggo, araw muli upang magsamba sa ating
panginoon na maylalang at magpasalamat sa walang hanggan niyang paggabay at
pagtulong sa atin. Tunay ngang kay bait ng ating panginoon at kahit laganap na
ang kasamaan sa Mundo, mahal niya pa rin tayo. Mataas-taas na ang sikat ng araw
ng magmulat ang mga mata at bumangon. Pagkaalmusal ay paggawa agad ng Case
Study sa Abnormal Psychology ang siya kong
pinagkaabalahan. Hindi ko mabatid sa sarili at kung kailan ginagamit ang utak
ay saka naman nabablangko't tila di gumagana. Nahihirapan na tuloy sa paggawa
ng Case Study at tila bang sumasakit lamang ang ulo kapag
iniisip ang sasabihin at nawawala ang impormasyong nakaimbak sa utak.
7y-n. Maya-maya pa at ng makitang wala ng gaanong
ginagawa si ina at paupo-upo na lamang ay saka ko siya kinapanayam hinggil sa
kondisyon ng aking kapatid na may kapansanan. Naging maayos at hindi pahirapan
sa akin na makipagpanayam at kaagad nakakalap ng impormasyon. Di ko akalain na
dumaan pala sa pag-aaral at Therapy ang kapatid ko. Matapos
ang aking panayam ang siyang tumapos sa aking Case Study at
ipapalimbag na lamang. Hirap tumingin sa Computer kapag di
nakasalamin at napapaluha ang mata sa sakit at nahihilo pa, subalit lahat ng
iyon ay tiniis, maayos ko lamang ang Case Study.
7y-o. Pagkalimbag at di pa man naidedeklarang panahon na
ng tag-init ay dama na ang maalinsangang panahon at nakakabigay ng sakit sa
ulo. Diretso Siyesta ako pagkauwi't dapit hapon na nagising. Kahit
sumapit na ang gabi'y di pa rin nawawala ang init at ibig kong magbabad sa
tubig ng matagal o ilagak ang sarili sa Pridyider at doon na matulog. Wala talagang
magawa at nababato, panonood ng pelikula ang inatupag ko. Nang makaramdam ng
antok ay saka lamang naisipang matulog. Paano naman makakatulog kung may
kainitan ang gabi't idagdag pa ang mga nagliliparang lamok na walang kung
mamapak ng Dugo. Hawak iyan ng kalikasan kaya walang magagawa kundi batain ang
tiis.
March 07, 2016
Monday
Year IV-067
Monday
Year IV-067
7y-p. Pumatak muli ang araw ng Lunes, hudyat ng
pagbabalik eskwela at sa trabaho para sa Linggong ito. Ikinabibitin ko ang araw
na walang pasok at tila dumaan lamang sa kamay ng tulin at di man lamang
nalasap ng lubusan. Ganyan talaga ang buhay, kailangang mag-aral at kumayod
upang may patutunguhang maganda at malayo. Lugmok pa ang mata sa antok subalit
kailangan ng awatin ang sarili sa kama at bumangon. Dahil naiipit sa mabigat na
trapiko, saktong nagtuturo na si Sir Lanuncia pagkarating ko.
Anong labo ng aking paningin at hirap makinig sa guro kapag di nakakakita ng
maayos. Kasalanan ko ito kaya nararapat lamang na magtiis at danasin ito. Sa
una'y di ko nakukuha ang aming aralin at nalilito pa subalit ng matutukan ay
ang dali lamang pala. Maya-maya'y lumabas na kami. Sa oras ng Sikolohiyang
Pilipino at patay, sapagkat nakaligtaang dalhin ang Repleksyon at hinahanap
na iyon sa akin ni Sir Barrion, dali-dali akong tumungo ng Shop at
nagpalimbag.
7y-q. Sa layo ng nilakad at taas ng inakyat, hapong-hapo
na ko pagkabalik ng silid. Tungkol sa gagawing presentasyon sa Defense ang
tinalakay niya sa amin. Sadya ngang kay higpit niya pagdating sa Defense at
bawal ang mga pagkain at kailangang walang makitang butas ang nilalaman
ng Thesis upang di siya mapahiya. Napakaarte niya talaga't
daming galaw, tila lalo pa tuloy kami nahihirapan. Madali sana ang gumawa
ng Thesis pagkat Tagalog lamang at tungkol pa
sa hilig ko ang topic, kaso ang professor namin
ang nagpapahirap at pinapatungan ng kung ano-ano, kaya minsan ay di na
maiwasang mabanas. Nadagdagan pa ang init ng ulo ng ipabago niya sa amin
ang Title, napunta sa wala ang pinaghirapan, sa halip na tapos
na'y heto nanaman at kailangan muling mag-edit. Maya-maya pa'y lunch
break na't sa gutom ay di na naging mahinay sa pagkain.
7y-r. Matapos mananghalian, tumungo kami ng Library at
doon nagpalipas ng oras. Saktong naroroon ang dating mga kamag-aral na sina Abby at Joy,
kinamusta ko sila. Kahit di ko sila kamag-aral sa ngayon ay ramdam ko ang
mainit nilang pakikisama't nakaka-miss. Habang napapasarap ang aming
kwentuhan ang pagdating naman nila Janna at Gin Rhead hatid
ang di magandang balita pagkat muli nanaman ni-reject ni Sir ang
bagong gawang Title ng Thesis. Ang nakakainis pa,
sariling Title niya iyon at sinunod lamang namin upang di na
magkaaberya pagkatapos ay pinapabago nanaman. Sa kanyang ginagawa,
napaghahalataan na siya't tingin ko ay di siya maayos magbigay ng Thesis pagkat
hinahaluan ng laro't.
7y-s. Hindi din siya patas pagkat pagdating sa
Estudyanteng malapit sa kanya, di na kailangan pang dumaan sa butas ng karayom
at agad ng tinatanggap, subalit kapag kami'y tila pahirapan bago makuha ang
gusto niya. Mukhang wala ng kamatayan ang gawain dahil ilang ulit niya kami
nire-reject. Ang masayang pag-uusap, nauwi na sa pagkaimbyerna't
ibinuhos lahat ng hinanakit kay Sir Barrion kina Abby. Nag-uumapaw talaga ang sama ng loob lalong lalo na
si Mary kaya di maiwasang makapagbitaw ng di katanggap-tanggap
na salita. Sa kanyang mga pinaggagawa, isinusumpa ko talaga siya't sobra-sobra
na! Hindi na ito tama! Umuwi akong napupuno ng galit ang kalooban.
7y-t. Sarili niyang Title, tapos ire-reject,
nahihibang ba siya! Kapag kay Sir Barrion nga naman napunta,
hindi magiging maganda ang buhay estudyante pagkat kapag trip ka
niya, paglalaruan ka niya at pahihirapan at dinaig pa ang mga Sadista. Sa
puntong iyon ay lal pa itong kinasusuklaman. Kinagabihan ay idinaan ko na
lamang sa panonood ng telebisyon ang nararanasang sama ng loob,
nagbabakasakaling mababawasan ito. Mabigat na nga ang loob ko, sinabayan pa ni
ina't pinagalitan dahil lamang sa telebisyon. Papatayin ko naman sana, kaso di
pa tapos ang pinapanood at di siya nakakaintindi. Nakakapasong salita ang
kanyang mga nabibitawan kaya di man ito ibig gawin, di na mapigilang sagutin
siya ng pabalang. Tila wala ng ibubwisit ang araw na ito sa akin pagkat
napupuno ng galit ang kalooban.
March 08, 2016
Tuesday
Year IV-068
Tuesday
Year IV-068
7y-u. Humupa na ang nagbabagang dibdib na kahapon pa
nararanasan at sa pagsapit ng panibagong araw ay tila di na kakikitaan ng bakas
at naghilom na. Kahit di naging maganda ang kaganapan kagabi dahil sa hidwaan
namin ni ina'y naging maayos at matiwasay pa rin ang salubong ng umaga sa akin
na ipinapahiwatig na magagandang bagay naman ang aking kahaharapin na
punong-puno ng saya. Napasarap ang tulog ko kaya tirik na ang araw sa kalawakan
ng bumangon. Kung mag-usap kami ni Mama ay tila limot na ng isip ng naganap kahapon. Pagsapit ng Alas-dyis ng mapagpasyahang magbihis
para sa aking pagpasok. Hindi pa sumasapit ang tanghaling tapat pero ang init
ay makasunog balat na at walang sinuman makakatagal pagkat tiyak na tustado.
7y-v. Sa tindi ng init na nararanasa'y sumakay na
ng De Aircon na Bus subalit di man lamang
maramdaman ang lamig at sumasakit na ang ulo. Paano na kaya kapag pumasok na
ang panahon ng Tag-init, tiyak na wala pa ito sa kalingkingan ang mararanasan
at maraming tao ang magdurusa sa init at magkakasakit. Wala pa si Ma'am Joyce (Lardizabal) pagkatungo sa
paaralan. Ang ipinagtataka ko lamang ay bakit kakaunti namin at marami ang wala
subalit maingay pa rin. Lumipas na ang Tatlumpung minuto subalit wala pa rin
si Ma'am Joyce at marahil ay di na ito makakapasok,
napagpasyahan ko ng umalis. Sayang lamang pagkat ngayon ko na sana ipapasa ang
ginawang Case Study, subalit di pala siya papasok.
7y-w. Dahil may pagpupulong pa kami para sa gagawing
presentasyon bukas sa Defense ay di muna umuwi. Maaga pa naman
kaya tumungo muna ng SM at doon nagpalipas ng oras. Nayayamot
ako pagkat ilang ulit na silang tini-text, walang natatanggap na reply at
pakiwaring di na matutuloy ang pulong pagkat di sila nagpaparamdam. Umiiral na
ang antok sa mga mata't ibig ng umuwi subalit nilabanan iyon. Hindi ko naman ibig na mapurnada ang aming
presentasyon at bumagsak dahil sa wala ako kaya labag man sa kalooban, tumungo
na sa bahay nina Ate Venus.
7y-x. Pagkatungo roon, nadatnan kong sarado ang kanilang
bahay at kahit ilang ulit katukin ay wala namang nagbubukas, umuwi na ko.
Nakakainis at nagpunta lamang sa wala, nagsayang lang ng pamasahe. Sa layo ng
biniyahe at idagdag pa ang matinding uhaw at pagod dala ng maalinsangang
panahon ay kaagad akong natulog pagdating ng bahay. Malapit ng kumagat ang gabi
ng magising at oras na rin ng hapunan kaya agaran ng nilamnan ang sikmura.
Lumubog na ang araw subalit hindi maibsan ang nararanasang init at animoy nasa
loob ka ng pugon, pahirapan tuloy ang sa akin na matulog.
March 09, 2016
Wednesday
Year IV-069
Wednesday
Year IV-069
7y-y. Kasing lalim na ng balon ang gabi subalit hirap pa
rin makatulog gawa na maalinsangan ang panahon, walang ibang ginawa kundi
tiisin ito't gumawa ng paraan. Dakong Ala-una na ng madaling araw ako dinalaw
ng antok. Kahit kinapos sa oras ang pagtulog ay may kasiglahan pa ring bumangon
pagsapit ng liwanag at tila nakangiti sa akin ang araw. Sana ganito parating
masaya ang buhay ko't kung may dumating man na pagsubok, makakayang lampasan.
Bandang ikawalo na ng umaga nakarating sa eskwela't saktong wala pang guro
subalit kaagad itong pumasok. Bago magsimulang magklase si Sir Lanuncia ay
may inanunsyo muna ito. Nagpupumiglas ang dibdib sa tuwa sapagkat ito na raw
ang huling araw ng aming pagkikita't wala ng klase sa susunod na Linggo. Biglang
napalitan ng lungkot ng magpaalam sa amin si Sir Lanuncia at
sa ilang buwan na naging guro ito, maraming magagandang bagay ang natutuhan sa
kanya hindi lamang sa Logic at mami-miss namin
siya ng todo-todo.
7y-z. Matapos ay nagturo na ito at habang pinag-uusapan
ang tungkol sa mga kandidatong tumatakbong Pangulo ay doon ako nagkaroon ng
ideya bilang botante kung sino ang karapat-dapat iboto't maluklok sa puwesto.
Ang nakakatakot lamang ay hindi magiging maganda't malupit ang kahihinatnan ng
bansa kapag maling kandidato ang naupo at di sana iyon mangyari. Ngayong araw
na pala gaganapin ang aming defense sa Thesis kaya
habang wala pa si Sir Barrion at sa halip na makipagdaldalan
ay nirepaso ang nilalaman ng buong Thesis. Hindi na sapat ang
panahon para makapagrepaso't handa kaya labis akong napi-pressure at
dobleng kaba na ang nararanasan.
7z-a. Makalipas ang ilang sandali ay pumasok na si Sir
Barrion at tila natanggalan ng tinik sa lalamunan ng ianunsyong di matutuloy
ang defense at iniurong bukas subalit kailangang makita ang
gawang Powerpoint Presentation. Sa buong oras ng Sikolohiyang
Pilipino ay wala kaming inatupag kundi asikasuhin ang presentasyon. Maya-maya'y lumabas na kami at kumain. Grabe na
ngayon ang aming nararanasang init at nakakabigay ng sakit sa ulo. Pagkatapos
ay tumungo kami ng library. Natuwa ako sa sinabi ni Mateo pagkat
kahit tingin ng ibang tao ay mali at iba sa akin ay ipinaramdam niya sa akin na
di ako kakaiba't masiyahin lamang daw. Nagising talaga ako sa sinabi niya't
marahil ay tama siya, di ko dapat iniisip ang mga bagay na nagpapababa sa
sarili. Ilang sandali pa'y tumungo na kami sa Computer Laboratory.
7z-b. Sa oras ng Computer Science, nagkaroon
lamang ng Group presentation. Ang bait sa akin ni Sir
Ferdinand sapagkat may grade pa rin ako kahit di nakapag-ulat at di na niya
pinag-ulat. Kahit di pa dismissal time ay nagsialisan na kami
ng makapag-ulat ang lahat ng pangkat. Ibig ko na talagang umuwi pagkat
tinatamad na subalit di ako nagpanaig at dumalo pa rin sa PE class alang-alang
sa matatamong grado. Nagkaroon lamang kami ng practical exam para
sa Basketball, nakakainis lamang pagkat parating sablay ang pag-shoot ng
bola. Pagsapit ng Alas-sais at lahat ng hindi nakapag-practical
test ng nakaraan ay naiwan muna kabilang ako. Actual na
ito kaya panay ang aking ingat sa pag-shoot subalit sa sampung
beses na subok ay nakaisa lamang.
7z-c. Kanina pa balisa si Gin Rhead at
tila napa-paranoid kaya sinamahan muna ito sa SM upang
hanapin ang mga kaibigan niya subalit di namin sila mahagilap. Gabing-gabi na
at pagod na din ang katawan kaya hindi na nagkumahog sa paghahanap at umuwi na
lamang. Pagdating ng bahay ay laking panghihinayang ko pagkat nawawala nanaman
ang Salamin. Buong lupalop na ng bahay ay hinalughog ko subalit di masumpungan.
Hindi ko ibig ang mabungangaan ni ina, lalo na't problemadong-problemado kaya
tikom ang bibig sa kanya. Napakaburara ko talagang nilalang at parating
nawawalan ng gamit. Bukas na isasagawa ang defense at balak sanang
mag-aral, kaso walang gana dahil may pinagdaraanan ang dibdib.
March 10, 2016
Thursday
Year IV-070
Thursday
Year IV-070
7z-d. Ito na ang pinakahihintay na araw para sa gaya
naming mananaliksik pagkat ngayon ang defense. Unang beses pa
lamang ito maganap sa akin bilang isang buhay estudyante kaya di na mapigilang
kabahan at palakas ng palakas ang kabog ng dibdib habang lumilipas ang mga
sandali. Kinakabahan na nga dahildefense, pinoproblema pa ang pagkawala
ng salamin subalit laking tuwa ng sabihin ni ama na nakita ni ina kahapon. Ang
ipinagtataka ko lamang ay bakit di man lamang niya ko sinabihan kung nakita at
kilala ko si ina, alam kong magbubunganga ito kapag nakita niyang pakalat-kalat
ang gamit subalit ang tahimik niya. Hinanap namin kung saan nilagay ni ina ang
salamin subalit di makita. Mahuhuli na ko sa pagpasok kaya di na magawang
hanapin pa't tiis-tiis sa malabong paningin. Pagdating sa eskwelahan at lahat
ng hindi nakakuha ng pagsusulit sa Exceptional Psychology nitong midterm kabilang
ako ay kumuha ngayon. Hindi ako nakapag-aral kaya tuloy ay walang maisagot at
nga-nga.
7z-e. Hindi ito ibig gawin sapagkat batid na masama
subalit nakipagkopyahan na rin sa katabi, sa kagastuhang makapasa. Maya-maya'y oras na ng Education 5 subalit
hindi na ko dumalo pa upang bigyan ang sarili ng oras sa pagrerepaso ng Thesis at
makapaghanda. Nabigyang sigla at tuwa ang dibdib na nababalutan ng kaba ng
mabatid na isa si Sir Jigo sa magiging panelista namin. Hindi
ko nais na mapahiya sa kanyang harapan at matameme kapag tinanong kaya lalo ko
pang inigtingan ang pag-aaral subalit naantala ng may ipag-utos sa akin
si Mary. Habang napipinto na ang aming defense ay
paspasan na sa paghahanda at di na rin maiwasang mataranta, lalo na't ang aming
pangkat ang unang sasalang sa defense.
7z-f. Nagkasabay-sabay ang dapat gawin hangga't may oras
pa at masyado na ng nara-rush kaya nalulupaypay na ang katawan sa
pagod. Ilang sandali pa'y pumasok na si Sir
Barrion maging si Sir Jigo at magkahalong kaba at
kilig ang nararanasan ng mga sandaling iyon. Sa kilig ko, di makatitig ng
diretso sa kanya at lalo pa tuloy kinakabahan. Nagkaroon lamang ng kaunting
aberya sa aming paghahanda kaya sa halip na kami ay grupo nila Glysa ang
naunang sumalang. Sa kaba'y naisipan na naming magdasal na pinangunahan
ni Vladimir at Diyos na ang bahala sa amin. Nang kami na ay
nilakasan ko ang loob na makiharap sa mga panelista subalit di agad
makapagsalita pagkat nandiyan siya at nadi-distract ako.
7z-g. Pagkakataon ko na upang ipakita ang gilas kay Sir
Jigo at ginawa ko nga iyon subalit pumalya't napahiya talaga ako.
Laking pagsisisi ko tuloy at di dapat ako naging padalos-dalos. Mistulan na
kaming Sibuyas at Bawang pagkat gisang-gisa na lalong-lalo na si Sir
Jigo na naging mabusisi sa pagtatanong subalit di naman ito
nakakatakot. Lalo pang tumingkad ang pagtingin sa kanya pagkat ang cute niyang
magsalita, sayang lamang at malabo paningin ko, di tuloy makita ng maayos ang
kikisigan niya't naghuhugis puso ang mga mata. Ibig na namin maglulundag-lundag
at sigaw sa tuwa ng ideklara ni Sir Barrionna pasado kami.
7z-h. Salamat sa Maykapal at dininig niya ang aming
panalangin at di pinabayaan. Kahit nakapasa kami at mataas ang nakuhang marka
ay di ko magawang magsaya't nakatanim sa isipan ang nangyari kanina. Nahihiya
ako pagkat di ko pinatunayan ang mga sinabi niya ng panahong kasabay ito at
binigo ko siya. Tila wala na kong mukhang maihaharap sa kanya at nadidismaya
ako sa aking ipinakita. Marami pang pagkakataon at doon ako babawi at
papatunayan ko sa kanya na karapat-dapat purihin. Pagdating sa bahay ay
itinulog ko na lamang ang nararanasang hiya. Kinagabihan at dahil walang
maisipang gawin ay panonood ng Telebisyon ang napanood ko. Kung anuman ang
napapanood sa palabas ay sana maganap sa aking buhay.
March 11, 2016
Friday
Year IV-071
Friday
Year IV-071
7z-i. Nakatanim pa rin sa aking isipan ang nangyari
kahapon at sa tuwing sumasagi iyon ay tila nilalamon ako ng kahihiyan. Bakit ko
ba nagawa iyon at marahil ay tawang-tawa na siya sa mga pinagsasabi ko. Dahil
sa hiya, parang ayaw ko ng pumasok o magpakita, parang wala ng mukhang
maihaharap sa kanya. Naging masarap muli ang pagtulog ko na tipong hirap awatin
ang sarili sa kama kaya dakong ikawalo na ng mapagpasyahang bumangon. Wala
akong maisipang gawin at nakakabato, paggawa ng kwento ang siyang naging
pampalipas oras ko. Ilang sandali pa't labag man sa kalooban ko na pumasok
ngayon dahil sa patuloy na pag-iral ng hiya ay nilabanan iyon at kinapalan ang
mukha sa pagpasok. Pasasaan pa't matatanggal din itong nararamdaman ko.
Pagkadako ko sa eskwelahan, wala pa si Ma'am Joyce. Nasa ikatlong
antas na ang mga kamag-aral ko subalit ang gugulo at nakakarindi ang kanilang
ingay.
7z-j. Mukhang di muli papasok si Ma'am kaya babalakin ko
ng umalis subalit bigla itong dumating at nagpasa kami ng gawang Case
Study. Tungkol saPersonality Disorder ang itinuro sa amin.
Napakainteresado ng lesson kaya ang mata at teynga ay tanging
sa kanya lamang nakatutok. Sa lahat ng uri ng Disorder, iyon na marahil
ang mahirap gamutin at mauubusan ka ng pasensiya. Maya-maya, ang kaninang
si Ma'am Joyce na kakikitaan ng kaaliwalasan ng mukha habang
nagtuturo ay biglang nagmistulang tigre na makita niya kanina pa nagdaldalan at
di nakikinig ang mga nasa likod at nakapagbitaw ng nagbabagang salita. Ubod ng
bait si Ma'am pero sukdulan pala kung magalit at nakakatakot siya. Maging naman
ako ay kanina pa napapansin na maingay ang Dash na pinasukan at
mangilan-ngilan lamang sa amin ang nakikinig.
7z-k. Kahit naman sinong guro, magiging ganoon ang
reaksyon kung makikita niyang ganong kaingay ang estudyante at di pa nakikinig
at nakakainsulto ang ganon. Naiintindihan
ko si Ma'am kung magpamalas siya ng galit at tama lang iyon. Sa halip na
tapusin ni Ma'am Joyce ang lesson ay nanermon
na ito hanggang sa mag-walk out. Lahat ng mga may balak pang magpasa
ng Project ay pinagbawalan na niya at automatic ng
bagsak at mabuti na lamang, nakapagpasa na ko. Hindi pa ko umuwi at hinintay pa
si Gin Rhead sapagkat kukuha kami ngayon ng special
exam sa PE. Malapit ng sumapit ang Alas-dos subalit wala
pa rin si Gin Rhead at tingin ko, hindi na siya darating kaya
tumungo na ko sa Covered Court. Papayagan sana ako ni Ma'am
Cariza na kumuha ng pagsusulit subalit ang problema ay kailangan ko
pang magbayad saCashier. Kulang na kulang na ang pera ko pambayad kaya
naisipang sa ibang araw na lamang mag-exam. Sa pagod ay diretso tulog
ako pagdating ng bahay.
March 12, 2016
Saturday
Year IV-072
Saturday
Year IV-072
7z-l. Tinanghali na ng gising at gawa na tinatamad na
ding pumasok pagkat wala ng gaanong ginagawa, napagpasyahan kong huwag ng
pumasok at atupagin na lang ang gawaing bahay. Matapos mag-almusal ay sinimulan
ko ng magpunas at magwalis-walis. Nang makapaglinis sa loob ng bahay, paglalaba
naman ang inatupag ko at tamang-tama pagkat tirik ang araw upang mabilis na
makapagpatuyo ng nilabhan. Nang wala ng dapat gawin, naisipan kong lumikha ng
kwento. Hindi pala biro ang buhay ng isang Writer ng kwento at
kailangan makakapukaw ng damdamin ang nilalaman ng kwento at marami ring kapupulutan
ng aral upang sa ganong mawili ang mambabasa at pumatok. Hindi ko ibig ang
mag-siyesta pagkat di ko ibig na masayang ang oras subalit sadyang malakas ang
epekto ng antok sa akin, tuloy ay hindi na napigilang matulog.
7z-m. Inaantok ako
subalit hindi gasinong makatulog ng maayos pagkat dama ang maalinsangang
panahon at pinagpapawisan pa. Ngayong sasapit muli ang panahon ng
tag-init at sasabayan pa ng tagtuyo ay kailangan nanamang batain ang init at
maghintay ng milagrong tubig. Mabait ang
maykapal at di niya tayo hahayaang habang-buhay na mararanasan ito pagkat
may panahon na ipaparanas ang masaganang ulan. Ng dapit hapon ding iyon ay
inaya ako nila Mama na sumama sa kanilang gayak, medyo tinatamad ako kaya di na
magawang pumayag kahit makiusap pa.
7z-n. Nakakabato ng gabing iyon kaya paggawa ng kwento at
pagtitinda ang siyang inatupag ko. Ilang sandali pa ng dumating na sila Mama
dala ang mga pagkain na bago lamang sa paningin at natatakam na ang dila na
malasap, di nakapaghintay pa. Naparami ang kinain ko kaya labis na ang
nararanasang busog na tipong di na makakilos pero ayos lang at nalasap ng bibig
ang pagkain para lamang sa susyal. Matapos kumain ay panonood na ng telebisyon
ang inatupag. Nakakabigay ng inspirasyon ang kwento sa MMK, sa kabila
na puro pasakit ang napagdaanan niya at pangugutya na siyang nagpapahina sa
kanyang loob, hindi ito sumuko at naging mapagpursigi hanggang sa matupad kung
anuman ang minimithing pangarap, kakabilib ang naging takbo ng buhay niya at
maging gaya rin sana ng buhay ko.
March 13, 2016
Sunday
Year IV-073
Sunday
Year IV-073
7z-o. Naghahari na ang liwanag sa labas ng magising ako
at magpasyang bumangon. Araw muli ng Linggo, araw muli upang sumamba sa ating
panginoon. Nakakabitin lamang pagkat may pasok nanaman ang kinubukasan at di
man lang masulit ang dumadaan ng Weekend. Pagkaangat sa sarili,
pagbabantay muli sa tindahan ang siyang inatupag. Madami-dami nga ang bumibili,
kaso puro mga bata at katamad pagbentahan pagkat laging tigpipiso ang binibili.
Ng dumating si ina at matapos magtinda ay sinimulan ko na ang gawaing bahay.
Kapag panahon nga ng tag-init animoy unli ang alikabok pagkat
kahit anong walis, parang di nauubos at naririyan pa rin, maigi pa talaga kapag
tag-ulan pagkat walang napuntang alikabok, maputik at baha naman ang
kakaharapin.
7z-p. Pagsapit ng tanghaling tapat ay anong tindi ng init
ang siya naming nararanasan na animoy nasa loob ng pugon at matutupok kung
sinuman ang magbilad. Katindi na ng init ngayon at di na pangkaraniwan. Maski
hapon ay dama pa rin ang maalinsangang panahon, ibig ko sanang lumabas at
maglakwatsa kaso di magawa pagkat may kainitan ang panahon, nanatili na lamang
sa loob ng bahay. Upang di lamunin ng pagkabato at para may pagkaabalahan ay
paggawa ng kwento ang siyang pampalipas oras ko. Sa labis na abala sa paglikha
ng kwento ay walang malay ang isip na kumagat na ang gabi at oras na upang
maghapunan. Pansamantala ko munang itinigil ang pagsusulat ng kwento at
nilamnan ang sikmura. Matapos ay ipinagpatuloy ko ang paggawa ng kwento at
dakong Alas-onse na napagpasyahang ihimlay ang sarili ng sarap sa kama. Sana'y
dumalaw siya sa aking panaginip ng sa gano'y may katuturan naman ang pagtulog
ko.
March 14, 2016
Monday
Year IV-074
Monday
Year IV-074
7z-q. Wala na kaming klase sa First period na Logic kaya
kahit Lunes na Lunes ay di ako maagang nagising at dakong ikapito na ng
magpasyang bumangon. Hindi ko man ibig ang pumasok ngayon pagkat nakakaramdam
ng tamad sa kalooban ay ginawa pa ring pumasok alang-alang sa ikakatuto ko.
Pagdating ng eskwela, tanging mga kamag-aral ko pa lang ang nadadatnan at
sadyang ang unti nila. Nandoon din ang mga kaibigan ko subalit si Mary at Janna lamang.
Laking pagsisi ko pagkat wala naman palang gagawin, dapat ay hindi na lang
pumasok. Nandoon nga si Mary at Janna, di ko
magawang huntahin pagkat may sariling mundo at tila sila-sila lang ang
nagkakaintindihan, nababato tuloy ako at ibig ng umuwi. Wala pa din sina Ate
Venus at Gin Rhead na mukhang walang balak pumasok
ngayon kaya lalo pang nababagot at napapanis na ang laway ko. Ano ba 'yan,
kainaman at wala man lang mangahas na kausapin ako at handa naman akong makinig
kahit ano pa ang ikwento.
7z-r. Pagkapasok ko, saktong nandoon si Victoria,
tuwa ako sa kanya dahil makwento ito at siya ang naging libangan ko. Kahit ngayon
lang kami nagkakilalang dalawa, dama ko na parang malapit na ang loob namin sa
isa't isa. Sa sobrang dami ng bagay na aming napag-usapang
dalawa, di namalayang nakapasok na si Sir Barrion at nasa
harapan na. Kahit kailan talaga, kung ano ang ipinakita niya ng una sa amin ay
walang pagbabago at ganon pa rin. Kalupit niyang magbigay ng gawain at lahat ng
hindi nakapag-ulat sa kanyang asignatura ay gagawa muli ng limang pahina ng
Repleksyon sa papel at kailangan pagkasyahin sa tatlong slide lamang
ng Powerpoint presentation ang kanilang report.
7z-s. Tingin ko, ginagawa ito ni Sir Barrion di
dahil sa gusto niya kaming matuto kundi ibig niya kaming pahirapan at iparanas
ang mabibigat na gawain. Sa limang buwan na naging professor ko
siya ay may natutuhan naman sa kanya at iyon ay usaping pakikipagtalik at Callboy na
iyon. Wala kasi siyang ibang bukambibig kundi tungkol doon at sa totoo
lang ay dinudumihan niya ang pag-iisip ng mga estudyante at di pa dapat
pag-usapan o ituro sa mga wala pa sa hustong edad dahil matuto sila. Hindi ako
magtataka kung balang araw, maraming kabataan ang maagang magiging magulang na
naging Professor ay si Sir Barrion.
7z-t. Matapos magsalita ni Sir sa harapan at dahil ibig
ko ng umuwi ay di na ko nagtagal pa sa Unibersidad. Diretso kain at tulog
ako pagdating sa bahay. Matapos mag-siyesta, paggawa muli ng kwento ang
inatupag ko. Nang sumapit ang dapit-hapon, ako'y nagluto at kahit minsan ay di
biro ang magluto at di dapat padaskol-daskol at pinag-iisipan, habang tumatagal
ay unti-unting may natutuhan ako sa paraan ng pagluluto. Ilang sandali pa at ng
makapagluto ay kainan na. Matapos kumain ay paggawa muli ng kwento ang siyang
inatupag. Dakong Alas-onse na ng mapagpasyahan kong matulog.
March 15, 2016
Tuesday
Year IV-075
Tuesday
Year IV-075
7z-u. Napasarap muli ang pagtulog ko kahit di naging
maayos ang naging tulog kagabi kaya tirik na ang araw sa labas ng magising.
Diretso gawaing bahay agad ang inatupag ko matapos makapag-almusal at dami ko
muling nawalis na alikabok. Maya-maya pa'y naghanda-handa na ko para sa muling
pagpasok. Dakong Alas-dyis pa lamang ng dumating ako sa Unibersidad. Maaga pa
naman at isang oras pa bago magsimula ang klase kaya pumila muna ako upang
kumuha ng permit. Di naging biro ang pila pagkat napakahaba. Tapos
pagkararing ko ay di kaagad nakakuha ng permit gawa na may balance pa
ko sa library at pabalik-pabalik ako. Medyo nakaramdam na ko
ng katamaran at nagbago bigla ang isip kaya ng makakuha, naisipan kong huwag ng
tumuloy ng silid.
7z-v. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya nagtungo pa ko
ng SM. Sa National Bookstore ko naisipang puntahan
at nilibang ang sarili sa pagbabasa ng mga nakatanghal na aklat. Dami mo talagang matutuhan at matutuklasang mga
bagay sa mundo na behind the scence kapag ugali mo ang magbasa.
Medyo nawili nga lang ako sa pagbabasa at nakakatuwa kaya di namalayang Ala-una
na pala. Matapos maghalu-halungkat at magbasa ng mga aklat, namasyal muna ako
at nagnilay-nilay mag-isa. Dakong Alas-dos napagpasyahan kong umalis.
Pagkatungtong ko sa may Batoda Terminal, nadatnang may isang babae
na wala sa katinuan at walang humpay sa pagsigaw na akala mo'y
nakikipagbangayan.
7z-w. Naiinis lamang ako sa mga Tricycle driver na
nakabandera pagkat wala na nga sa tamang pag-iisip, niloloko-loko nila at
ginagawang katuwaan. Gusto ko sanang ipagtanggol ang babae mula sa mga taong
mahilig mangkutya ng kapwa, kaso wala akong kakayahan. Ang saklap ng kanilang
karanasan kapag namumuhay na kaiba ang kaisipan kumpara sa mga normal. Tama
lang kinuha ko ang kursong Psychology dahil hangarin ko rin
makatulong sa mga tao gaya nilang taglay ang kapansanan bukod sa aking kapatid
at kilalanin ang sarili, maging ang mga taong naliligaw ng landas na tinatahak.
Sa antok, diretso Siyesta ako pagkauwi.
March 16, 2016
Wednesday
Year IV-076
Wednesday
Year IV-076
7z-x. Dakong ikawalo na ng umaga ako nagising at kahit
may klase ako ng ganitong oras ay napagpasyahang mamaya na lamang pumasok.
Paggawa agad ng Nobela ang inatupag ko at kahit paano, gumagana ng maayos ang
utak kaya sa loob lamang ng isang oras ay marami ng naisusulat at nakakakilig
pagkat patungkol sa kanya. Sa sobrang tutok ng mata at abala sa paggawa ng
kwento ay di namamalayan ang oras at sumapit na pala ang Alas-onse ng umaga.
May klase pa ko at di maaaring lumiban kaya kailangan ng magbihis. Pagkadako ko
sa Unibersidad at dahil kapansin-pansin ang litratong nakapaskil sa dingding sa
harap ng Faculty tumungo muna ako roon at nagtingin-tingin. Saktong naroroon din ang mga dati kong kamag-aral.
Palitan kami ng kuro-kuro sa isa't isa at tawanan. Bukod sa may mga litratong
nakapaskil sa dingding ay pwede ka din magsulat ng naiisip mong hugot lines
sa White Board pero may kaugnayan lamang sa napag-aralan
bilang Psychology Student.
7z-y. Sa una ay wala akong maisip na tila nabablangko ang
utak at idagdag pa ang kakulitan ng mga kamag-aral pero nakapagsulat naman
kinalaunan, sana pumatok sa mga mambabasa ang naisip kong hugot lines
lalong-lalo na sa aking mga Psychology Professor at
kay Special Someone. Matapos ay tumungo muna ako ng Library at
doon ipinagpatuloy ang paggawa ng kwento. Makalipas ang halos dalawang oras ay dumating na sina Mary.
Pansamantala kong itinigil ang paggawa ng Nobela at nakipagtsikahan sa kanila.
Pagpatak ng Alas-kwatro ay tumungo na kami sa Covered Court upang
dumalo sa aming PE Class. Kinakabahan lamang ang dibdib
sapagkat ngayon na gaganapin ang aming tournament para
sa Basketball na siyang magsisilbing Final exam namin.
7z-z. Hindi pa naman ako bihasa pagdating sa ganyan kaya
di ko mapigilang kabahan at baka ako pa ang maging mitsa ng pagkatalo namin.
Parang ayaw kong sumali pero nakasalalay ang matatamong grado kaya nilalakasan
na lamang ang loob. Ilang sandali pa'y dumating na si Ma'am Cariza at
nagsimula na ang Tournament pero mga babae muna. Di namin maiwasang
tumawa habang sila ay naglalaro at madalas ay nabibitawan ang bola at walang
kabuhay-buhay mag-shoot. Kahit malalamya sila maglaro, pinakita nila ang
determinasyong makapuntos. Sumunod ay kaming mga lalaki na ang sumalang sa laro
at sa aming mga player, kami lamang ni Gin Rhead ang
bukod tanging di gumagalaw at ang huhusay maglaro ng aking mga teammate.
8a-a. Nang mapansin ni Ma'am na kaming dalawa lamang ang
di kumikilos, nasita kami at binalaang di lalagyan ng Score sa Final
exam kapag di nahawakan ang bola. Sa mga sinabi ni Ma'am ay doon
lamang kami kumilos at laking tuwa ko kahit mahawakan ang bola. Medyo nawili na rin ako sa paglalaro ng basketball kaya
nakipag-agawan at balyahan na rin pero sa liksi at husay ng mga katunggali,
sapalaran sa akin ang maagaw ang bola. Akala ko, di ko magagawa pero kaya din
pala. Sa huli, angteam namin ang nanalo at labis akong nahapo.
Kahit kumagat na ang gabi at kasama sina Eloisa ay tumungo pa
kami ng SM upang bumili ng Envelope. Nang makabili
ay tumungo naman kami ng Jolibee. Medyo kapos ako sa kwarta kaya di
na bumili pa.
8a-b. Habang kumakain ay walang ginawa kundi magkwentuhan
at tamang-tama ang pinag-uusapan pagkat tungkol iyon sa paggawa ng kwento. Di
ko akalain na mga writer din pala ang mga kasamahan ko at ilan
sa mga nilikha nilang kwento ay inilathala na sa Wattpad. Sa mga sinasabi nila ay gusto ko din maging Writer kaso
ayaw ko munang ilathala sa Wattpad ang kwento at
gusto ko munang ikonsulta sa iba. Tama sila, kapag gumagawa ka ng kwento, kailangan
ay parang nakikiisa din ang damdamin mo sa damdamin ng tauhan para mas epektibo
at kapanipaniwala ang nilalaman ng istorya, bukod pa dun ay yung tipong Catchy at
marami ang makaka-relate. Mukhang makakatulong sila ngayon na gumagawa
ako ng Nobela.
March 17, 2016
Thursday
Year IV-077
Thursday
Year IV-077
8a-c. Maaga pa lamang ng ako'y magising at pagkadako ng
yapak sa unibersidad ay kaagad ng pumila upang magbayad ng Special exam sa PE.
Kasing haba ng buhok ni Rapunzel ang pila kaya halos abutin na
ng siyam-siyam sa pagpila. Tapos ay isang Window lamang ang
bukas sa Cashier area kaya ang usad ng pila, mistulang pagong
at kakainip na. Makalipas ang higit sa isang oras, sa wakas ay nakaraos na din
sa mahabang pila. Tumungo agad ako ng Computer shop upang
gumawa ng Research paper sa Computer Science at Lesson
plansa Education 5, nagkasabay-sabay ang gawain ko ngayon kaya
halos mag-aging na ang mukha sa sobrang stress. College
life must be stressful talaga at bawal ang buhay alamang at
hayahay mood sa panahon ng maraming gawain.
8a-d. Idagdag pa ang ingay ng mga kasamahan kong naupa
kaya lalo pa nahirapan para mag-concentrate at kung makasigaw ay
akala ay wala sa Campus at mga walang breeding. Di
naman masabihan pagkat nasa DOTA ang isip kaya walang magawa
kundi magtiis. Kung ako
talaga ang magkakaroon ng Computer shop at may ari, never akong mag-i-install ng DOTA para
iwas abala at distorbo sa mga abala sa pagre-research at paggawa
ng assignment. Tila nasa alapaap ang pakiramdam ko matapos ang
lahat ng dapat ipasa para pumasa at kaagad ng tumungo sa Silid. Saktong
naroroon si Ma'am Joyce (Geronimo) at kaagad ng pinasa sa
kanya ang gawang lesson plan. Maya-maya at dahil ito na ang
huling pagkikita namin for this semester, nagkaroon kami Class
Picture kasama si Ma'am Joyce.
8a-e. Bahagyang nalungkot ang kanya-kanyang
mga dibdib ng magpaalam sa amin si Ma'am Joyce at sana
maging Professor pa namin siya sa mga susunod pang asignatura
at kung hindi man, kagaya niya. Ang nakakatuwa pa sa sinabi niya, bukas daw ang
pinto sa kanya kapag nahihirapan kami sa mga asignatura at handa raw siyang
tumulong. Sa sinabi sa amin ni Ma'am Joyce, siya na marahil ang
pinakamabait na guro na nakilala ko bukod sa mahusay magturo at nakaka-touch siya.
Dalawang Ma'am Joyce (Geronimo and Lardizabal) na nakilala ko
na parehas mabait at di ko sila malilimutan. Sa pag-alis ni Ma'am Joyce ang pagpasok naman ng
Buwisit na Sir Barrion na iyan at di pa natatapos ang gawain pagkat
nagpapasa pa siya ng panimula ng Thesis, dali-dali tuloy kami sa pagkilos
para makapagpasa.
8a-f. Mabuti na lamang at pinagk tbigyan pero hanggang
bukas na lang. Matapos ay kanya-kanya na kami sa paglabas. Sa halip na umuwi,
nagtungo muna ako sa Faculty ng PE para kumuha
ng Special Exam. Wala ng ano-ano pa'y kaagad na kong nakapagsimula
sa pagsusulit. Medyo Common ang pagsusulit para sa mga mahilig
sa Sports kaya kahit di nakapagrepaso ay naging madali lamang
sa akin. Habang kumukuha ako ng pagsusulit, naging matanong sa akin si Ma'am
Cariza, naging makwento tuloy ako at ang bait at nakakatuwa siya maging
guro. Matapos ay umuwi na ko at natulog.
March 18, 2016
Friday
Year IV-078
Friday
Year IV-078
8a-g. Tuluyan ng sumikat ang tanglaw na nagbibigay
liwanag sa kalawakan ng dumilat ang mga mata mula sa mahimbing na pagkakatulog.
Malapit na palang sumapit ang ikawalo ng umaga kaya di na nagpatumpik-tumpik pa
sa pagbangon. Nang makapag-almusal, pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag
ko. Dahil ngayong araw ang simula ng aming Final Exam, pinagsabay
ko ang pagrerepaso, paggawa ng kwento at pagtitinda. Repaso ng repaso, walang
pumapasok sa utak at kawalang ganang magbalik-aral kung mahina ang kukote at
mapurol. Ilang sandali pa, kumain na ko at pumasok. Dumeretso agad ako ng library at
doon sinamantala ang oras upang mag-aral.
8a-h. Kahit nasa library at ang lugar na iyon
ay dapat tahimik, sakop na ng mundong maingay at tila walang mangahas magsaway
kaya ang ingay, patuloy na namamayani na siyang nagpahirap sa akin upang i-focus ang
sarili sa pag-aaral. Makalipas ang halos dalawang oras na pananatili sa Library,
lumabas muna ako at kumain. Nang magkita
kami ni Gin Rhead ay laking gulat ko pagkat di pa
nakakapagpasa ng Reflection sa Sikolohiyang Pilipino sa Group
Chat at ngayon na raw iyon kailangan upang I-compile na
sa Bookbind at sa takot na bumagsak, na-rush nanaman ako sa
pagkilos. Kagaanan ng loob ang siyang umiral ng matapos iyon at kaagad ng
tumungo ng silid. Habang di pa nagsisimula ang pagsusulit at di pa dumarating
ang proctor ay walang ginawa kundi magrepaso at minsan ay palitan
ng kuro-kuro at tawanan. Ilang sandali pa ang nakakaraan ay pumasok na ang
aming Proctor na si Sir Ferdinand.
8a-i. Asignaturang Computer Science ang
naging pagsusulit namin ngayon at kahit lubos na nakapagrepaso, naging sisiw
lamang ang pagsusulit kaya kaagad din naman natapos. Sa halip na umuwi ay sinamahan ko pa sina Ate Venus at Dane hanggang
Robinson at dami kong halakhak sa dalawa. Medyo mahaba-haba na rin
ang buhok ko na tipong malapit ng takpan ang mata kaya bago umuwi ay tumungo
muna ako ng Novaliches Bayan upang doon magpagupit kaso di ko
naman mahanap ang Barber Shop, umuwi na lamang ako. Kinagabihan at
matapos magbabad ang mata sa Telebisyon, paggawa muli ng nobela ang siya kong
inatupag. Sa sobrang abala ay di namalayang malapit ng mag-hating-gabi at
kailangan ng magpahinga.
March 19, 2016
Saturday
Year IV-079
8a-j. Napakatulin ng panahon at di akalaing sumapit
nanaman ang araw ng Sabado at sa sarap muli ng tulog na tipong di na maawat ang
sarili sa kama, mataas na ang sikat ng araw sa labas ng magising. Walang magawa
at ako ay nababato kaya ipinagpatuloy ko ang pagsusulat ng kwento. Ang sarap
magingWriter ng mga kwento at naglalakbay ang isipan mo sa iba't
ibang sitwasyon na kahit di aktwal na nangyayari sa'yo, parang nararanasan mo na
at kabahagi ka na ng kwento. Bukod pa dun ay nahahasa pa lalo ang thinking
ability mo at napapalalim at lawak ang imahinasyon. Kahit di din biro
ang maging Writer dahil iisipan mo ng Scenario na
dapat ay tutugma sa previous and next Scenario kapag
pinagtagpi-tagpi upang maging makabuluhan ay nakakatuwa at aliw din, kasi lahat
ng gusto mong mangyari at maging takbo ng buhay, matutupad.
8a-k. Sana ang buhay ko, gaya din ng kwento na isinusulat
ko na kung anong naisip at gustong mangyari, matutupad at parang kontrolado mo
ang pangyayari. Sa sobrang abala ko sa paggawa ng Story na
mala-Bob ong at Shakespeare ang dating, sumapit na
pala ang tanghaling tapat. Matapos
kumainila ng pananghalian at sa halip na ilaan ang oras sa pag-siyesta,
pagsusulat muli ng kwento ang inatupag ko at maghapon iyon pinagkaabalahan.
Kinagabihan naman, panonood ng Telebisyon ang siya naming libangan at
pampalipas oras. Naging makabuluhan at kapupulutan ng aral muli ang tampok na
kwento sa Maala-ala mo Kaya.
8a-l. Tungkol ito sa isang binatilyo na si Ronnie
Alonte na napabarkada sa mga Bad influence at
nalulong sa masamang gawain gaya ng paglalango sa alak, pambabae at napabayaan
niya ng husto ang pag-aaral gaya ng ginagawa ng tatay niya subalit natuto at
nagbago ng may dumating na leksyon sa buhay niya. Nakakabilib ang naging takbo
ng buhay niya sapagkat ang inakala na magiging patapon at wala ng kwenta ang
buhay ay di pala at sa isang iglap naging maayos at maganda pa. Sa katunayan ay
lumabas na siya sa ilang Commercialat teleserye at kahanga-hanga
ang ganong klaseng tao at may determinasyon. Nag-uumapaw din siya sa kakisigan
at malaki ang pagkakahawig kay Timothy James na dating type ng heart ko.
Matapos manood at sa antok ay natulog na ko.
March 20, 2016
Sunday
(Palm Sunday)
Year IV-080
8a-m. Linggo ng palaspas, hudyat ng pagsisimula ng
panahon ng kwaresma at pagnilay-nilayan ang mga nagawang kasalanan sa loob ng
isang taon. Alas-siete pa lamang ng ako'y magising at mag-almusal. Matapos
mag-almusal ay sinimulan ko na ang gawaing bahay at halos bahingin sa dami ng
nalalanghap na alikabok habang nagwawalis. Nang makapaglinis sa loob ng bahay,
pagsusulat muli ng kwento ang inatupag ko. Naiinis lamang ako sa sarili pagkat
walang pumapasok na detalye sa utak ko, nahihirapan tuloy mag-isip at kumakain
ng maraming oras. Marahil nga ay di ko taglay ang katalinuhan ng isip at kung
isa kang manunulat, kailangan mo ng suplemento upang tumalas at lumakas
ang Mind power at makapag-isip ng maiigi. Sa kakaisip ng
isusulat, sumasakit lamang ang bungo kapag pinipiga kaya minubuting
pagpahingain muna at gawin ang ibang bagay. Wala akong magawa kaya pamamalantsa
ng uniporme ang naisipan kong pagkaabalahan.
8a-n. Pagsapit ng hapon at dahil Linggo ng palaspas,
naisipan kong magsimba. Pagkatungtong ko sa Our Lady of Mercy Parish doon
sa Novaliches Bayan ay di na mahulugang karayom ang dami ng tao at
wala akong ibang makita kundi ang mga taong abala sa pagtitinda at paglalako ng
mga Palaspas at mga nagsisimbang may hawak nito. Pahirapan sa akin ang
makapasok pagkat siksikan at di maiwasang magkahampasan ng palaspas. Ilang
sandali pa ay nagsimula na ang misa at ngayon ko lang nalaman ang araw na ito
ay sumisimbolo sa araw na nakarating si Jesus sa Jerusalem at
ang palaspas ay simbolo ng katapatan natin sa kanya. Matapos ang misa, di muna
ako umuwi at naghanap ng mapaggugupitan. Swerteng may nakita akong Barbershop kaya
kaagad na nakapagpagupit. Dakong gabi na ng makauwi ako sa bahay. Matapos
paandarin ang isip sa paggawa ng kwentong pag-ibig, di na nagpaligoy-paligoy pa
sa pagtulog.
March 21, 2016
Monday
Year IV-081
8a-o. Lunes Santo at himig agad ng nagpapasyon mula sa
Simbahan ang sumalubong sa pandinig sa aking paggising at sa lamig at hinahon
ng tono nito, iyon na nga ang pinang-soundtrip ko habang
nag-aalmusal pagkat nakaka-relaxat dama ng dibdib ang debosyon sa
panginoon. Pagsapit ng Alas-dyis ng magsimula na akong magbihis upang tumungo
sa eskwelahan. Nakalimutan ko palang dalhin ang aklat para sa Logic,
di tuloy nakapagrepaso at paggawa na lamang ng kwento ang pampalipas oras
habang naghihintay. Ilang sandali pa ay dumako na ko ng silid at saktong wala
pang proctor at mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nasa
loob ng silid kaya lumabas muna at nakipagtsikahan kina Kalvin. Kanya-kanya
kami sa pagkaripas ng takbo papasok ng dumating na ang Proctor at
asignaturang Logic ang pagsusulit namin ngayon. Anong hirap at
sakit pa sa ulo ang pagsusulit, tinatamad na kong mag-isip ng malalim pagkat
sumasakit lamang ang bungo at mababaliw, kaya minani-mani ko na lamang.
8a-p. Matapos kumuha ng pagsusulit ay lumabas muna at
saktong naroroon sila Gin Rhead at Christian, sila
ang kaututang dila ko ng mga oras na iyon at laughtrip kami. Kanya-kanya muli
kami sa pagpasok ng dumating ang kasunod na proctorat Education
5 ang sunod naming pagsusulit. Madali naman marahil ang pagsusulit subalit di ako nakapagrepaso sa
asignaturang iyon kaya nahihirapan na tipong mangamote na, tuloy ay minani-mani
ko muli ang pagsusulit. Kahit ibig ko ng umuwi dahil nagsiuwian na ang mga
kasama ko ay di pa maaari at tumungo sa Conflict Room upang
kumuha ng pagsusulit Abnormal Psychology subalit di pa raw
naibababa ang test questionaire, naghintay pa ko. Kinakabahan na
ako ng panahong iyon at iniisip na baka maulit ang nangyari nung midterm na
kung saan muntikan ng di nakakuha ng pagsusulit.
8a-q. Ilang saglit pa, bumalik ako ng Conflict
Room, nagbabakasakaling naibaba na subalit wala pa rin, napagpasyahan ko ng
puntahan ang proctor na may hawak ng Test Questionaire at
bago ako umakyat saktong namataan si Neville at magkasabay na
tumungo paakyat. Habang kami ay papaakyat, sakto at laking tuwa ko ng
makasalubong si Sir Jigo. Nahihiya man makiharap sa kanya ay
nilakasan ko ang loob na makiusap at di akalaing siya pa ang magpapa-exam sa
amin sa Abnormal Psychology. Habang kumukuha ng pagsusulit ay di ko
maiwasang mailang pagkat nandoon siya. Di din ako makapag-concentrate pagkat napakatsikadora
ni Ma'am Ria sa mga estudyante pero mabait at
nakakatuwa, si Sir Barrion naman, nayayabangan ako sa mga
sinasabi niya at gusto siya ang magaling.
8a-r. Halos lahat ng Psychology Professor,
nakabantay sa amin maliban kay Ma'am Trisha at Ma'am
Joyce (Lardizabal). Magkahalong pagkailang at tuwa talaga ang
nararanasan ko ng panahong iyon. Sa hirap ng pagsusulit, abutin kami ng halos
dalawang oras sa pagsagot at ng ipapasa na kay Sir Jigo, di
mapigilang makaramdam ng kilig sa loob at para akong matutunaw. Dakong
Alas-singko na ng makarating ang yapak sa tahanan at kinagabihan, sa di
inaasahan ay biglang bibisita ang Tita Susan kasama ang
kasintahan nito. Kahit may edad na at kung makaakbay ang dalawa, parang
bumabalik sa pagiging Teenager at angawkward lang
kaya lumabas muna ako. Gumawa muna ako ng kwento bago matulog.
March 22, 2016
Tuesday
Year IV-082
8a-s. Martes Santo. Malakas na pag-uusap nila Mama, Papa
at Tita Susan ang bumasag sa nahihimbing kong pagtulog.
Maliwanag na pala sa labas at sumapit na ang Alas-sais, kaya di na ko
nagpatumpik-tumpik pa sa pagbangon. Mga dakong ikapito pa lamang ng dumating
ako sa Unibersidad at saktong nakasalubong ang dating mga kamag-aral sa Dash
1 at Dash 2 at nagtataka ako kung bakit papalabas na
sila. Tinanong ko ang dahilan at sinabing wala na raw silang pagsusulit ngayon
sa Sikolohiyang Pilipino. Nakakaasar lamang sa pakiramdam at dapat
kami wala na rin, tutal nag-thesis naman kami at iyon na dapat ang
ginawang Final exam. Sa puntong iyon ay muli akong nakaramdam ng
pagkayamot kay Sir Barrion pagkat masyado niya kaming pinahihirapan
at di siya marunong magsaalang-alang ng magiging loob namin. Ang malas talaga
namin at napunta pa sa kanya. Habang di pa dumarating ang proctor ay
nanatili muna kami sa labas at tamang kwentuhan.
8a-t. Makaraan ang ilang saglit ay dumating na ang
aming Proctor na si Ma'am Jerusalem at
nagsimula na ang pagsusulit. Anong hirap ng aming pagsusulit at sakit sa bungo,
di dahil sa di nakapag-aral at di alam ang isasagot kundi damingtypical
error at nagugulo ang utak ko, palibhasa'y siya ang gumawa. Sa hirap
ng pagsusulit at nawawalan na rin ng interest na seryosohin
ang pagsusulit kaya minani-mani ko na lamang at isusumpa ko siya kapag
binagsak-bagsak pa matapos niyang magbigay ng napakahirap na gawain sa amin. Sa
halip na umuwi ay naisipan ko pang tumungo sa bahay nina Ate Venus upang
mangamusta. Pagkadako ko sa kanila, siya lamang ang bukod tanging nadatnan na
halatang kakagising lamang. Biglang nakidalamhati ang dibdib ko ng mabatid na
pumanaw ang kanyang ama, dahilan kung bakit di na ito nakakapasok.
8a-u. Dahil wala siya sa Mood na
makipag-usap sa akin at bakas sa mukha ang pighati ay di ko na siya
tsinika-tsika pa at kaagad ng umalis. Pagkadating sa bahay at sa pagod, kaagad
akong nag-siyesta. Kinagabihan
naman ay nagulantang ang kaloob-looban ko ng mapanood sa balita ang tungkol sa
nangyaring pagsabog doon sa Brussel Airport sa Belgium at
kinasawi ng maraming katao. Grabe na talaga ang kasamaan ng mga terorista at
wala ng pinipiling lugar na pasasabugin kaya sa panahon ngayon ay kailangan ng
pag-ibayuhin ang seguridad at pag-iingat upang sa ganon ay hindi na sila
makapaghasik ng kaguluhan. Ang nakakapagtaka lamang ay sunod-sunod na ang
nagaganap na pagsabog at malaki ang posibilidad na ISIS muli
ang nasa likod nito. Matapos manood ay gumawa muna ako ng Nobela. Sa pagpupuyat
ng mata sa pagkatha ng kwento ay muntikan ng abutin ng hating-gabi bago
mapagpasyahang matulog.
March 23, 2016
Wednesday
Year IV-083
8a-v. Miyerkules Santo at ito na ang huling araw na may
pasok kami. Dahil maaga ang schedule ng aming pagsusulit ay Alas-sais
pa lamang ako nagising. Pagkadako ng yapak sa Unibersidad, madami-dami ng
kamag-aral ko ang nasa labas. Ganda at makulay na sana ang araw ko pero tila
bulang naglaho ang mga iyon ng sa di inaakala ay si Sir Barrion ang
naging Proctor namin. Parang bula namang nawala ang inis ko sa
kanya ng magawa nitong magpatawa habang pinapakanta ang nahuli naming
kamag-aral at nanumbalik sa ganda at saya ang araw ko. Asignaturang Educational
Psychology ang naging pagsusulit namin at as usual, siya
muli ang gumawa kaya mahirap at sakit sa ulo. Sa hirap ay di ko nanaman
sineryosong sagutan ang pagsusulit at nanghula-hula na lamang.
8a-w. Makikisama pa dapat ako kina Eloisa patungong SM
dahil ito na ang Last day na magkikita this semester subalit
tinatamad ako at di na pumayag. Pagkarating sa bahay ay diretso na ako sa
panananghalian. Matapos
mananghalian at bilang libangan ay paggawa muli ng nobela ang inatupag ko.
Kinagabihan at dahil simula na ng bakasyon bukas, gustuhin ko man sumama kila
Papa at Kuya Al patungong Batangas kaso
walang makakasama ang ina. Hindi naman kakayanin ng aking konsensiya kapag may
mangyaring masama sa kanya kaya nagpaiwan na ko. Kung pwede lang
sana kaming buong pamilya ay makakaalis, di na sana aabot sa ganito. Matapos
manood ng telebisyon at gawa na di pa dinadapuan ng antok ay nagsulat muna ako
ng di matapos-tapos na Nobela.
March 24, 2016
Thursday
(Maundy Thursday)
Year IV-084
8a-x. Huwebes Santo, sa sobrang abala ng isip sa
pag-iisip at sulat ng kwento ay inabutan na ko ng hating-gabi bago matulog.
Tumatama na ang liwanag ng araw sa aking mga mukha ng ako'y magising. Dahil
banal na araw ay tila napakatahimik ng kapaligiran at walang maulinig ni
anumang ingay, marahil karamihan na dito sa amin ay nagbakasyon na o umuwi na sa
kani-kanilang lalawigan at buti pa sila. Matapos mag-almusal, kahit mahal na
araw ay di pa rin naiiba ang gawain ko at nagwalis-walis. Nakakabato lamang
manatili sa bahay pagkat kami lamang dalawa ni Mama kaya ng makapagwalis, naisipan
kong tumungo sa bahay nina Cathy.
8a-y. Nagliliwaliw sila sa pag-awit ng aking datnan at
kahit walang ginintuang tinig at di pinagpala ang boses ay naki-sing
along pa rin sa kanila. Medyo nag-enjoy ako sa pagkanta at
birit kaya tinanghali na ko sa pag-uwi. Panonood agad ng Telebisyon ang siyang libangan ko. Nakakakurot sa
damdamin ang natunghayang pelikulang pinamagatang Anak, tungkol ito
sa isang ina na namasukang katulong sa ibang bansa at lahat ng hirap at
pangungulila ay tiniis niya, mabigyan lamang ng maayos na buhay ang kanyang mga
anak subalit lumayo ang loob nila sa kanya at nagtanim ng hinanakit.
8a-z. Grabe yung anak niyang panganay, suwail at nagawa
pang gugulin ang buhay sa masamang bisyo at di na man lang nagmalasakit sa
inang nagpakahirap ng sobra-sobra. Tumigil ang mundo ko habang pinapanood ang
rebelasyon sa pagitan ng ina at anak at pam-best Actress talaga ang
aktingan nila Vilma Santos at Claudine Baretto.
Sa huli at ng mapagtanto ng anak na ginagawa ito ng ina para sa kapakanan
nilang magkapatid, nagkaayos din sila. Kinahapunan naman ng magtungo ako
kila Angelica. Swerteng nadatnan ko sila at tamang kwentuhan at
minsan ay ilalabas ang pangil. Sa saya at nakakaaliw, inabot na ko ng gabi sa
kanila. Pagdating sa bahay ay paggawa muli ng nobela ang inatupag ko at dakong
Alas-onse na ng mapagpasyahang matulog.
March 25, 2016
Friday
(Good Friday)
Year IV-085
8b-a. Biyernes Santo at araw upang gunitain ang
paghihirap ng ating panginoongJesus, mahugasan lang ang ating mga
pagkakasala at maputol ang sumpa buhat sa angkan nila Eba at Adan.
Pagkadilat ng mga mata at bangon pa lamang, Cellphone agad ang
tangan ng aking kamay at pagsusulat muli ng kwento ang pinagkaabalahan. Ibig ko
sanang sumama sa Alay lakad ngayong araw ng pagpapakasakit subalit di pinayagan
ni ina. Pagsapit ng tanghaling tapat at dahil walang magawa, panood ng Video ang
inatupag ko. Napatulo ang luha mula sa aking mga mata at nangibabaw ang awa sa
loob ng mapanood kung paano naghirap ang ating panginoon. Mula sa paghagupit ng
latigo sa kanya ng paulit-ulit, pagpapapasan ng mabigat na Krus at ipapako pa,
lahat ng iyon ay tiniis niyang danasin, makawala lang tayo mula sa kasalanan
dahil ganun niya tayo kamahal.
8b-b. Kung ako sa kalagayan niya at ng ibang tao,
paghataw pa lamang ng latigo, tigok na pero siya, nakaya niya iyon at di
matatawaran ang ipinakita niyang kabayanihan sa atin at para sa akin, siya ang
tunay na Superhero. Kinahapunan
at habang abala ako sa pagluluto ng hapunan, si ina muli nanaman akong
binungangaan at ang ingay niya. Ayaw kong makagawa ng bagay na makasalanan at
labag sa sampung utos ng Diyos dahil Biyernes Santo pero nasagad na ang
pasensiya ko kaya di na mapigilang sagut-sagutin siya ng pabalang. Lalo pang
nagliyab ang dibdib ko ng makarinig ng di magagandang salita at sa inis,
matapos magluto at kumain ay lumabas muna ako. Sa bahay ng kaanak ng Auntie
Andrea ako tumungo at ibig ko sanang ilabas lahat ng sama ng loob kay
ina kaso nahihirapan ako at tila may pumipigil.
8b-c. Nanatili ako sa kanila hanggang gabi at matapos ay
kina Angelica ako tumungo kaso wala naman ang mga ito ng
datnan ko. Mainit pa ang loob ko at di pa ibig ang umuwi kaya kina Cathy naman
ako nagtungo. Naiingit ako sa pamilyang mayroon si Cathy na
kahit minsan ay nag-aaway sila at napapagalitan ni Ate Ging ang
anak, di ko man lang narinig mula sa kanyang bibig ang mabibigat at masasakit
na mga salita at wala pang bukas ay ayos na sila. Samantala si Mama kapag
nagagalit, di iniisip ang mga nabibitawang salita kaya masakit at nakakatusok
ng loob. Lumalalim na rin ang gabi at sa takot na mabagansiya ay no choice ako
kundi umuwi.
March 26, 2016
Saturday
(Black Saturday)
Year IV-086
8b-d. Sabado de gloria, nanatili pa ring mabigat ang
aking kalooban matapos makarinig ng masasakit na kataga kahapon subalit pilit
na iyon iwiniwawaglit sa isipan at ayaw ko ng palawigin pa. Sumabog na ang
liwanag sa kalawakan ng ako'y magising at diretso muli sa pag-aalmulsal.
Matapos mag-almusal, gawaing bahay muli ang siyang inatupag at dami muling
nalikom na alikabok. Ganito man parati ang aking gawain sa pang-araw-araw ay
ayos lang at di naman nakakapagod bagkus ay nakakapagbigay pa nga ng sigla sa
katawan at parang pakiwaring naipapakita mo ang silbi. Sumunod ay paglalaba ang
pinagkaabalahan ko. Masyadong tirik ang araw kaya tamang-tama para
makapagpatuyo ng maayos.
8b-e. Pagsapit ng tanghaling tapat at gawa na nakakaranas
na ng gutom sa sinapupunang malaki, nananghalian na ko. Habang abala sa
paglantak ng pagkain, ang inay ay muling nagpamalas ng kulo at
napakabungangera, di ko na nga lang pinapansin, nagbabakasakaling titigil siya. Parang dami niyang problema at di ko malaman kung
bakit parating pinaiiral ang init ng ulo. Sa halip na mag-enjoy ako
sa paglamon, nawalan na tuloy ng gana, palibhasa'y Menopause na
ang lola. Pagsapit ng hapon at matapos mag-siyesta, paggawa muli ng nobela ang
siya kong libangan. Sa sobrang abala ko sa paggawa ng kwento, di namamalayang
kumagat na ang gabi.
8b-f. Saka ko lamang itinigil ang pagsusulat ng kwento
upang maghapunan. Walang magawa at nakakabato kaya panonood naman ng telebisyon
ang siyang libangan ngayong gabi. Naantig muli ang damdamin ko sa natunghayang
kwento sa MMK sapagkat tungkol sa isang babae na maagang naging ina
at nagkaroon ng iresponsableng asawa. Kahit na nagkawatak-watak at napawalay sa
kanya ang mga anak, di siya sumukong hanapin sila kahit nakabuo na siya ng
panibagong pamilya at tingin na malabo na niyang matagpuan ang mga ito.
Hanggang sa dumating ang panahon, nakakatuwa pagkat nakumpleto din sila.
Matapos at sa antok, kaagad na kong natulog.
March 27, 2016
Sunday
(Easter Sunday)
Year IV-087
8b-g. Pasko ng pagkabuhay, hudyat na nabuhay na ang ating
panginoong tagapaligtas at wakas upang magnilay-nilay at mag-ayuno. Kabilis
pala ng panahon dahil matatapos nanaman ang bakasyon at balik muli sa dating
gawi bukas. Gaya pa rin ng mga nakalipas na araw, inabutan na ng pagsikat ng
araw ng ako'y magising at bumangon. Walang magawa at nakakabato kaya paggawa
muli ng kwento ang inatupag ko. Sa tuwing magsusulat ako ng kwento tungkol sa
pag-ibig ay di ko maiwasang kiligin at parang nakikibahagi ang buhay ko sa
nangyayari sa Character. Bukod sa nalilibang ako ay nahahasa din
ang aking isip at lumalawak kaya sa una ay mahirap at parang di basta-basta
pero nagbago pagkat madali lang pala at mas mabilis ng nakakapag-isip kung ano
ang susunod na senaryo ng kwento subalit hindi basta-basta ang maglapat niyon
dahil kailangan kapanapanabik at tipong madaling i-appreciate ng
mambabasa ang lahat ng bahagi sa kwento at tatak ng husto sa kanilang isipan.
8b-h. Pagsapit ng tanghaling tapat, tigil muna sa
pagsusulat ng kwento at paggawa naman ng unan ang sunod kong napagkaabalahan.
Akala ko, kapag nakikita ay madali pero mahirap. Sa kabila na mahirap kung
gusto mo talagang makuha ang minimithing bagay ay di mo susukuan. Kaya kahit mahirap, kakayanin. Pagsapit naman ng
hapon ng biglang bumisita ang kaanak naming si Ate Anne upang
manghingi ng pera. Naawa naman ako sa kanya dahil may karamdaman ang dalawa pa
nitong supling at walang pampagamot dahil kapos sa pera kaya kahit ayaw kong
mabawasan ang aking kayamanan ay nagbigay pa rin ako kahit papaano bukod kila
Mama. Hindi din siya nagtagal at kaagad umalis pagkabigay ng kwarta. Sayang ang
Ate Anne, kung tumulad lamang siya kay Ate Leslie at di
maagang nagpabuntis, di niya sana ito dadanasin at may maganda na din siyang
trabaho.
8b-i. Ganun talaga ang buhay at sa nakikita ko, kailangan
munang makapagtapos ng pag-aaral at magsumikap na abutin ang mga pangarap bago
ang love na iyan dahil di mo alam iyon ang magiging mitsa para
mapunta sa patapon ang buhay mo. Kahit na ganon ang maging kahihinatnan, tingin
ko naman may pag-asa pang gumanda ang buhay ni Ate Anne basta
huwag niyang sasayangin dumating ang pagkakataong mag-aahon sa kanila kung
anuman sila ngayon. Ibig ko sanang magsimba ngayong Easter Sunday,
kaso baka gabihin kapag itinuloy ang balak kaya nanatili na lamang sa bahay at
inasikaso ang paggawa ng unan. Kinagabihan at kahit Summer Season,
dama muli ang malamig na panahon kaya di mapigilang mangatog. Matapos manood ng
telebisyon, agaran ng natulog.
March 28, 2016
Monday
Year IV-088
8b-j. Madaling araw ng magising ang katawang lupa ko
dahil sa boses na tila nangungusap. Iyon pala, nakauwi na ang Papa at Kuya
Al galing Batangas. Ibig ko sanang bumangon upang
makipagkamustahan at manalubong kaso namamayani talaga ang matinding antok kaya
kahit maingay silang mag-usap, ipinagpatuloy ko pa rin ang pagtulog. Tirik na
ang haring araw ng magmulat mula sa mahimbing na pagkakatulog. Matapos
mag-almusal at gaya ng nakagawian ko nitong mga nakalipas na araw, maglilinis
sa loob ng bahay. Nang masiguradong wala ng malilikom ni katiting na alikabok,
paggawa naman ng unan ang sunod kong pinagkaabalahan. Sa dami ng dapat na
ilagay na bulak upang di lumabas lobo, inabot na ng tanghali ng matapos ko ito
at sarap hagurin at yakapin pagkat malambot. Pagsapit ng tanghaling tapat,
animoy iniihaw kami sa tindi ng nararanasang init, walang ginawa kundi
magtiis-tiis sa maalinsangang panahon. Walang magawa at gawa na inaantok,
natulog na lamang ako. Napasarap ang Siyesta ko kaya malapit
ng gumabi ng magmulat ang mga mata. Kinagabihan at dahil nababato, tutok muli
ang mata sa panonood ng telebisyon. Dami ko talagang tawa sa bagong palabas
ng GMA 7na Poor Señorita, pagkat bawat pamahiin na di
niya pinaniniwalaan, against sa kanyang mga balakin at akala
mo'y nanadya. Hindi kasi naniniwala at sinusunod ang pamahiin kaya parating
minamalas. Medyo napasarap ang panonood ko kaya dakong Alas-onse na ng
mapagpasyahang matulog.
March 29, 2016
Tuesday
Year IV-089
8b-k. Dakong malapit ng sumapit ang Alas-otso ng umaga
ako nagising. Tila kay sigla at ganda muli ng umaga ko kaya matapos
mag-almusal, paggawa kaagad ng Nobela ang pinagkaabalahan ko't mas maayos akong
nakakapagsulat ng kwento kapag umaga at bagong gising kaysa sa hapon o gabi na
kung kailan tinatamad ka na at nasa tulugan na ang pag-iisip mo. Kahit
sumasakit na minsan ang ulo sa kakaisip kung ano ang susunod na eksena na
maaring idugtong sa naunang eksena ay Enjoy naman dahil parang
naglalakbay ang utak mo sa iba't ibang yugto ng kwento at para kang nanonood
lamang ng isang pelikula kapag bini-visualize mo ang bawat
pangyayari. Sa sobrang abala ng sarili sa pagiging Writer, di
namamalayan ang oras at tanghaling tapat na pala. Matapos mananghalian ay
paglalaba ng uniporme ang pinagkaabalahan ko. Hindi naman gasino karami ang
lalabhan kaya kaagad din akong natapos.
8b-l. Gustuhin ko man huwag munang mag-siyesta upang
mas lalo pang magkaroon ng oras sa pagsusulat ng Nobela, kaso gusto na talaga
ng katawan ko ang matulog at di na napigilan. Hindi naman makatulog pagkat may
kaalinsangan ang panahon na siyang nagpawala sa antok ko. Bago pa man sumapit
ang hapunan, pagluluto naman ang pinagkaabalahan ko. Kahit hindi bihasa magluto
ay sa edad kong ito'y kailangan ng matuto para hindi na umasa pa sa tagaluto at
may maipapakain na din pagdating ng araw. Habang tumatagal ay natututo naman
ako sa pagluluto at matapos ay take time to eatna. Labis ang gutom
na namamayani sa malaki kong sinapupunan kaya naparami ang kain ko. Kinagabihan
ay nagpaparamdam muli ang malamig na panahon at sana ganito muna parati
para relaxing pa rin ang life kahit summer
season. Matapos manood ng paboritong programa, agaran ng natulog.
March 30, 2016
Wednesday
Year IV-090
8b-m. Napasarap muli ang tulog ko at nakakasilaw na ang
liwanag sa labas ng magising. Sarap pang humilata sa malambot na kama ng
matagal at haplusin ng husay ang mga unan subalit kailangan ko ng bumangon
pagkat madami pang dapat asikasuhin at ayaw kong mag-aksaya. Kaaga-aga, ingay
agad ng mga bata ang sumahi sa aking pandinig at nakakairita, pinagsabihan ko
nga kaso tila walang naririnig at nagpatuloy sa pag-iingay. Kapag mga bata
talaga, kailangan mong pairalin ang pagiging pasensiyoso at palawakin ang
pag-unawa dahil wala pa sa husto ang pag-iisip, gustuhin ko man magwala, di
maaari at ako lamang ang lalabas na masama. Matapos mag-almusal, paggawa muli
ng nobela ang inatupag ko at kahit paano ay gumagana ng maigi ang utak ko kaya
mabilis na nakakapag-isip.
8b-n. Kung kailan nagtuloy-tuloy na ay saka naman biglang
na-brain drain, natigilan tuloy sa pagsusulat dahil parang nablangko at
kaasar. Maya-maya, oras na upang mananghalian. Matapos kumain, pamamalantsa ng
uniporme ang napagkaabalahan ko at sa dami, halos makadalawang oras na bago ako
matapos. Nakakatamad ang magkikilos-kilos at mag-isip ng malalim kapag Siyesta time,
pansamantala akong natulog. Dakong
Alas-singko na pala ng hapon nagising at malapit ng maghapunan. Hindi pa
nakakapagsaing at luto kaya paspasan ko iyong ginawa at nakapagluto naman ng
maayos subalit nagkaroon lamang ng kaunting mintis sa panlasa ng nilutong ulam
at marahil ay kailangan pa magsanay upang sa ganon maiwasan na ang pagkakamali.
8b-o. Kinagabihan, tamang tutok muli ng mata sa Telebisyon.
Bukod sa Poor Señorita, dami ko ding tawa sa bagong palabas
ng ABS-CBN na Jane the Virgin pagkat kahit Virgin pa siya, magkakaanak na dahil
aksidenteng nailagay sa kanyang matres ang sampol ng Semilya. Ang nakakatawa
pa, mismong Ex-lover niya ang may-ari ng Sperm at
ama ng batang dinanadala niya. Kahit malalim na ang gabi na tipong tulog na ang
kasamahan, di mapigilang mapahalakhak ng malakas at ang saya ng gabi ko. Ilang
sandali at ng matapos, napagpasyahan ko ng matulog.
March 31, 2016
Thursday
Year IV-091
Thursday
Year IV-091
8b-p. Huling araw na para sa buwang ito at malalagasan
nanaman ng isa ang pahina ng kalendaryo. Namamayani na ang ingay sa labas
maging sa loob ng bahay ng ako'y magmulat at umaga na pala kaya kara-karaka na
sa pagbagon. Habang abala ang bibig sa paghigop ng kape'y biglang may naulinig
na tugtog mula sa labas at pagkatingin, may nangangampanya pala. Kung sinong
kandidato ang tumakbo nitong nakaraang eleksyon ay sila pa rin at wala man lang
bago. Habang papalapit ang halalan ay magiging madalas na ingay ng mga
nangangampanya at tadtad muli campaign poster ang bawat sulok
ng paligid. Hindi nga nagtagal ang pangangampanya, nadagdagan naman ng
sandamakmak ang mga paraphernalia at isinabit o idinikit kung
saan-saan. Matapos mag-almusal ay paglilinis muli sa loob ng bahay ang inatupag
ko. Hindi ko lamang maiwasang maasar pagkat naantala ang gawain ko dahil may
bumibili. Ang tagabantay naman ng tindahan, umalis pala at labag man sa
kalooban ko ang magtinda sa ngayon ay ginawa ko pa din.
8b-q. Pagsapit ng tanghaling tapat at dahil walang
maisipang gawin, pagkulwit ng Cellphone ang inatupag ko at matapos
ay Siyesta. Kinahapunan naman at dahil malapit nanaman ang hapunan,
ako muli ang nagpresintang magluto. Maiyak ako ng labis habang naghihiwa ng sibuyas
at sakit sa mata, di mo mapigilang maluha kahit di ka naman umiiyak. Masyadong
matrabaho ang paggawa ko ng ulam kaya halos hindi na magkandaugaga sa pagkilos
at nakaka-stress pero pumalit naman ang ginhawa ng makapagluto.
8b-r. Masarap ang kumain lalo na kung mismo ikaw ang
gumawa ng pagkain ng may paghihirap. Tamang tutok
muli ng mata sa Telebisyon matapos maghapunan. Hindi ko lamang maiwasang mainis
sa kapatid kong may kapansanan pagkatnakakabingi pagkat may oras na
nagliligalig at nakakabingi ang kanyang biglaang pagsigaw, di ko tuloy ma-enjoy
ang pinapanood pagkat naiisturbo si Mama na nagpapahinga na matapos ang
maghapong dilat ang mata sa pagbabantay sa tindahan. Hindi pa ko dinadapuan ng
antok kaya nagsulat pa ng kwento. Malapit ng gumitna ang gabi ng mapagpasyahan
kong matulog.