January
01, 2016
Friday
(New Year's Day)
Year IV-001
Friday
(New Year's Day)
Year IV-001
7P-E. Kabi-kabilaan na ang makikita at maririnig na putok sa kalawakan at
hindi na halos magkarinigan dahil sa Torotot, hudyat na pumasok na ang Bagong
Taon. Ang kaninang saya ay nadagdagan pa ng halina ng makita sa kalawakan ang
makukulay at engrandeng Fireworks Display. Dahil sa Fireworks
Display, nagliwanag ang buong kalangitan at kahit umuulan, di pa rin
napigilan ang mga kababayan na magpaputok at magsaya. Kanya-kanya rin paraan ng
pag-iingay, may ilan na kinakalampag ang kaldero at ang ilan naman ay
pinapaandar ang motor ng pagkaingay-ingay. Hindi na talaga maawat
ang saya ngayong kasagsagan ng Bagong Taon. Ilang minuto makalipas ay muntikan
ng mayanig ang kapaligiran ng marinig ang malakas na putok at kinabog ng husto
ang dibdib, gayunpaman ay wala naman nadisgrasya. Hindi gasinong nagtagal ang
putukan kaya nabitin ako't mas marami pang paputok nung nakaraang taon kung
ikukumpara ngayong taon. Nabitin man, sinalubong pa rin ng may ngiti ang pagpasok
ng taon.
7P-f. Matapos ang putukan, kainan kami at balot ng makapal na usok ang buong
kapaligiran, wala na tuloy halos maaninag. Magdamagang dilat ang mata sa
pagsasaya at paghahanda sa pagsalubong ng Bagong Taon kaya labis ang natamong
pagod, agad na kong natulog. Nagpapasalamat ako sapagkat sa kabila na
nagpaputok, sampu pa rin ang dalirit at buo pa ang paa. Dala ng pagpupuyat
kagabi, dakong ikawalo na ko nagising. Sa buong taon na ito, ano-ano nanaman
kayang pangyayari ang kahaharapin ko, ito ba'y masaya o malungkot? Sa taon na
ito kaya makikilala si Mr. Right na handa akong ibigin at
tanggapin sa kabila na magkapareho ng kasarian o marahil ay nakilala ko na
siya't si Sir Jigo na ang hinihintay, sana nga. Kahit sa
palagay na malabong maging kami dahil sa katayuan sa buhay ay nauunawaan ko't
kayang maghintay.
7P-g. Kung hindi man siya, marahil ay may makikilalang mas higit pa sa
kanya't karapatdapat sa aking puso. Abangan na lang kung ano ang kahihinatnan
sa buhay pag-ibig at bahala na. Unang araw ng taon subalit sa di inaasaha'y
nagkainitan muli ni ina dahil sa Spaghetti. Batid ng isip na mali
ang ginawa ko subalit hindi naman masisi kung ganoon ang naging reaksyon.
Paghintayin ka ba naman ng matagal ay maiinip at maiinis talaga. Humupa naman
ang hidwaan kinalaunan at di na lumaki pa. Walang ginawa sa buong umaga kundi
lumamon ng handa nito Media Noche. Minsan lang ito sa isang taon kaya
nagpakabusog na upang di gutumin sa isang buong taon. Naging maulan ang naging
unang araw ng taon na siya pumapawi ng sayang nadarama. Marahil ay puro
pagpapala ang mangyayari sa taong ito?
Pagsapit ng tanghali, panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Sa tuwing
sasapit ang Bagong Taon, kaliwa't kanan ang naisusugod sa hospital ng mga
naputukan at karamihan sa mga nabiktima, kalunos-lunos ang sinapit pagkat
lasub-lasub ang mga kamay at nagkaputol-putol ang daliri. May ilan naman,
tinamaan ng ligaw na bala kahit nasa loob lamang ng bahay. Kahit umulan
kagabi'y nagkaroon pa rin ng sunog sa may Tondo at kay saklap
ng sinapit nila sa pagharap sa Bagong Taon. Mapalad kami pagkat walang naganap
na sunog kahit marami ang nagpapaputok. Walang magawa kaya matapos manuod ay
kumain muli ako at nag-siyesta. Malapit ng gumabi ng magising at anong
ingay pa rin sa kapaligiran.
7P-h. Samantala sila Mama, maghapon ng bumibirit sa karooke na inabot na ng
gabi. Naiingayan man ako't hindi na natutuwa subalit hinayaan na lamang silang
magsaya. Upang hindi lamunin ng pagkabato ngayong Bagong Taon ay naisipan na
lamang magpatugtog. Pagdating talaga sa musika ay hindi makasundo ang magulang
pagkat magkaiba ang ibig namin. Ayaw ko ng luma at dating mga kanta samantalang
ayaw nila ang mga kantang nauuso ngayon at gusto'y kapanahunan nila. Kahit
minsan nagkakaroon ng alitan dahil musika, hindi naman nito nasisira ang
pagsasamahan namin. Happy New Year! Nawa'y maging masaya't
kalugod-lugod ang taon na ito sa akin.
January
02, 2016
Saturday
Year IV-002
Saturday
Year IV-002
7P-i. Malapit ng pumatak ang ikawalo ng sinipag ako sa pagbangon. Ang
kahapong maulan ay kasalungat naman ngayon na maaraw subalit dama pa rin ng
balat ang lamig. Matapos mag-almusal, sinimulan na ang gawaing bahay. Hindi
alam sa sarili kung bakit sinisipag ngayon at sana ganito ako sa lahat ng bagay
sa buong taon. Ng masiguradong wala ng malikom na alikabok at malinis na ang
sahig, saka lamang tumigil. Sumunod ay pagrerepaso ang inatupag ko. Kahit sa
Miyerkules pa ang aming pag-uulat sa Sikolohiyang Pilipino ay
dama ko na ang kaba sa dibdib at di na ito mapigilan. Hindi ko ibig ang magkalat
sa harapan ng maraming kamag-aral at mapahiya kaya dibdiban ang aking
pag-aaral, iyon nga lang ay hirap unawain pagkat sadyang kay lalalim ng mga
nakasaad.
7P-j. Pagsapit ng Alas-dose at dahil may lakad ngayon, ako'y nagbihis na.
Bago ituloy ang lakad, tumungo muna sa Computer shop. Mabanas ako
ng husto sapagkat sadyang kay kupad ng internet at takaw sa
oras ng paghihintay, ibig man magpamalas ng bangis sa inis, hindi naman maaari. Matapos
magkumpyuter ay tumungo pa sa Batoda Terminal upang katagpuin
si Gin Rhead. Alas-dos ang napag-usapang oras ng pagkikita subalit
malapit ng mag-ikatlo ay wala na ito. Sa inip ay darating na sa puntong ibig ko
ng umalis ngunit natigilan ng makita ito. Nang maipahiram sa kanya ang aklat at
matapos ang mga napag-usapan, umalis na ko. Hindi pa umuwi at sa halip ay
tumungo pa sa bahay nina Annie doon sa Tandang Sora.
7P-k. Sina Annie, Gelyn, Tantan at iba pa nilang kaanak
ang nadatnan kong masayang nagsama-sama sa iisang sala. Mahalina ako ng lubos
pagkat ang gara ng kanilang bahay at komportableng tirhan, tapos ang ayos pa ng
mga kagamitan at mukhang mamahali. Akalaing mayamang tao ang nakatira subalit
sila-sila lamang. Wala kaming ginawa kundi magkwentuhan at minsan ay tawanan. Natutuwa ako
sapagkat naging mainit ang pagtanggap nila sa bisita lalo na si Tantan subalit
wala itong ginawa kundi pagkatuwaan at barahin ako, gayunpaman ay hindi naman
napikon, bagkus ay natutuwa pa nga.
7P-l. Nainis lamang ng bahagya pagkat panay ang tulak nila sa akin kay Tantan.
Hindi ko ibig ang mga taong ili-link ka sa taong di mo naman gusto.
Sa saya at sarap nilang kasama, inabot na ng gabi sa pananatili sa kanila.
Maya-maya pa'y lumabas kami't namasyal-masyal. Dahil Subdibisyon, walang ibang
makita kundi mga magagara't mamahaling mansyon at kay sarap manirahan sa ganong
lugar. Bukod pa roon ay tahimik pa't walang naglipanag mga adik kundi mga Sekyu
kaya ligtas gumala kahit dis-oras na ng gabi. Pagkabalik ay naghapunan na kami.
Sa gutom at kahit di sariling bahay ay nawala na ang hiya sa paglantak ng ulam.
Dakong ikasiyam na ng mapagpasyahang umuwi. Sa layo ng nilakad at biniyahe,
matinding pagod ang naramdaman ko kaya natulog agad pagkatungtong ng tahanan.
January
03, 2016
Sunday
Year IV-003
Sunday
Year IV-003
7P-m. Parang kailan lamang ng magsimula ang bakasyon, pagkatapos ay may pasok
na bukas at kabitin. Ganoon talaga ang panahon, hindi mapipigilan. Sa siba kong
matulog, sabog na ang liwanag sa kalawakan ng magising. Anong lamig ng panahon
at kahit ibilad ang sarili sa sinag ng araw ay di mapawi-pawi. Matapos kumain
ng agahan, nagbantay muli sa tindahan. Nakakabatong magbantay kung wala naman
gaanong bumibili. Sumunod ay gawaing bahay ang inatupag ko. Sinisipag ako
ngayon kaya may pagkukumahog na maglinis ng sahig at di titigil hangga't di
natatanggal ang dumi. Kahit paano, naiibsan ang aking pagkabagot at naipapakita
ang silbi sa pamilya. Maya-maya'y tumungo ako sa labas upang bumili ng Itlog na
maalat, ilang tindahan na ang napuntahan subalit wala pa mabili. Gayunpaman ay
hindi ako sumuko sa paghahanap kahit makasunog balat na ang init ng araw at
pinagpapawisan na.
7P-n. Namayani ang tuwa sa dibdib ng may makita ako't sa wakas, nagkabunga
rin ang aking paghihirap. Kahit sa tingin mong malabo ng mangyari o makuha ang
iyong hinahangad ay huwag panghinaan ng loob, bagkus ay manalig ka. Dahil sa
pagtitiwala ko, nakuha ang gusto. Kahit mababaw ang dahilan, masaya pa rin
pagkat para akong nagwagi. Matapos ay nagluto na't masarap na ulam ang
kinahantungan. Dahil may pasok na kinabukasan, namalantsa ako ng uniporme.
Pagsapit ng hapon, ibig sanang sulitin ang natitirang sandali sa paglalakwatsa
subalit katamaran ang pumigil, nanatili na lamang sa bahay at nilibang ang
sarili sa pakikinig ng musika. Pagsapit ng gabi'y mangatog ng halos ang katawan
pagkat umiral muli ang malamig na panahon. Walang magawa kaya naisipang manuod
ng pelikula.
7P-o. Magkahalong inis at nakakatawa ang natunghayan ko sa palabas na Hari
ng Yabang. Nakakainis kausap ang taong mayabang katulad ng bida na si Edelbert pagkat
pinagyayabang niya ang mga bagay na mataas at mahirap abutin, samantalang wala
naman siya ng mga iyon at sinungaling pa. Dahil sa kanyang kahambugan, parating
lapitin ng mga kapahamakan at marahil ay nararapat lamang iyon sa mga taong
mahilig magmataas. Sa kabila ng kanyang kayabangan, matulungin pa rin ito sa
iba at mas inuuna ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili. Kinalaunan ay nagbago
siya subalit ang nakakalungkot ay pumanaw ito. Gayunpaman ay nararapat pa rin
tanggapin sa kaharian ng Diyos pagkat inalis niya ang kayabangan at nagbagong
buhay bago mamatay. Tunay ngang walang patutunguhan na maganda ang pagiging
mayabang kundi kapahamakan at marami pang mabibwisit sa'yo maging ang Diyos.
Maigi ng mapagkumbaba palagi, kahit ano pa ang katuyuan mo sa buhay pagkat may
pagpapalang makakamit sa halip na kapahamakan. Sana gaya ng mga taong walang
ginawa kundi magmalaki ang naging buhay ni Edelbert. Matapos at sa
antok, natulog na ko.
January
04, 2016
Monday
Year IV-004
Monday
Year IV-004
7P-q. Matapos ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon at mahaba ngunit
nakakabiting bakasyon, balik muli sa dating gawi pagkat may pasok na, sa
eskwelahan man o opisina. Nagyeyelong lamig ng panahon ang sumalubong sa aking
paggising na nagbigay hirap sa pagbangon. Tinatamad man gawa na malamig, hindi
naman nito napigilan ang pagbangon ng maaga at nag-almusal. Bagong taon,
panibagong simula muli ng buhay at nawa'y makapagsimula ako ng maganda't
matiwasay at hindi mabali hanggang sa magtapos ang taon na marami akong
matututuhan. Unang araw ng pasok ngayong taon kaya may kasiglahang pumasok.
Dakong ikawalo na ng makarating ang yapak sa eskwela subalit wala pang Professor.
Ilang sandali pa't pumasok na si Sir Lanuncia. Umiral ang kaba sa
dibdib pagkat ngayon na malalaman ang resulta ng aming pagsusulit at isa-isang
ibinigay ang answer sheet. Nadismaya ako sapagkat bagsak subalit
hindi na kinimkim pa't inisip na marami pang pagkakataon. Hangga't may
pagkakataon, may tiyansang makabawi.
7P-r. Matapos ay sinimulan na ni Sir ang pagtuturo. Bukod sa napakainteresado
ng bagong lesson ngayon ay maraming aral din akong napupulot.
Sa oras ng Sikolohiyang Pilipino, simula na ng pag-uulat at sina Gin
Rhead at Vladimir ang naatasang mag-ulat ngayon. Bago
pa man magsimula ang pag-uulat, lundagan at hiyawan kami sa tuwa ng ianunsyo
ni Sir Barrion na wala na kaming Thesis sa Educational
Psychology. Hindi ko akalain na marunong palang maawa si Sir at namayani
ang gaan sa kanya-kanyang mga kalooban. Ilang sandali pa, nagsimula na ang
kanilang pag-uulat. Sa dami ng naikukwento ni Sir, tila malabong matapos ang
pag-uulat ngayon at abutin ng ibang araw na siya naman ikinakagalak subalit
natapos sila.
7P-s. Kinakabahan ako sapagkat sa Miyerkules na ang aming pag-uulat, ang
nakakaasar pa'y di pumasok ang katuwang na si Jet, di tuloy
mapagplanuhan kung anong dapat gawin at nangangambang baka mauwi sa wala ang
pagkukumahog na mapaayos ang aming pag-uulat. Hindi ko ibig na mangyari iyon
kaya matapos ang klase ay gumawa ng paraan. Sinubukan ko itong kontakin kaso di
naman sumasagot. Sa di niya pagsagot ang nagpasidhi pa lalo ng aking kutob at
iniisip na baka di pa ito nakakagawa ng report. Tingin ko pa naman
sa kanya, hindi nagseseryoso't mas inuuna ang bulakbol. Sana mali ako sa
panghuhusga sa kanya. Hindi ako nakatitiyak kaya di na dumalo pa sa sumunod na
asignatura upang magkaroon ng panahong gawin ang kanyang Report at
pag-aralan. Dumako muna ako sa Novaliches bayan pagkat doon
naisipang magkumpyuter at bago pa man ako pumasok sa Computer shop ay
laking gulat ng sabihang ng mga dumaraan na dinudukutan na raw ako.
7P-t. Pagkalingon ay totoo nga't saktong binubuksan na ng gusgusing paslit
angbag ko subalit di naman nakuha ang mga laman nito sapagkat agad
ng tumakbo. Laking pasalamat ko pagkat may nakakita't di natuloy ang
pandudukot. Kung nagkataon, malamang ay Cellphone at pitakang
naglalaman ng limpak-limpak na kwarta ang mawawala. Tunay ngang napakabait ng
Diyos at di niya ko pinababayaan. Dahil sa pangyayari, inigtingan ko na ang
pag-iingat. Sa mahal ng singil ng upa sa Computer shop, umuwi na
lamang ako. Sa layo ng biniyahe, matinding pagod ang inabot kaya diretso Siyesta pagdating
ng bahay. Pagkagising, may bisita pala kami at iyon ay si Tita Susan,kwentuhan
kaming dalawa. Pagkatapos ay tumungo na ng Computer shop. Sa dami
ng dapat gawin na slide presentation, ginabi na ko sa pag-uwi. Bago
matulog ay nagsunog-kilay muna ako. Kahit hirap na hirap ng mag-aral sa lalim
ng binabasa ay nagpatuloy pa rin ako't pilit na inuunawa ang bawat nakatala.
Dakong Alas-onse na ng mapagpasyahan kong matulog.
January
05, 2016
Tuesday
Year IV-005
Tuesday
Year IV-005
7P-u. Pag-uusap nila Mama, Papa at Tita Susan ang tumapos sa
masarap kong tulog. Pagkadungaw, umaga na pala't hindi na nagpatumpik-tumpik pa
sa pagbangon. Habang nag-aalmusal ay kagimbal-gimbal ang naikwento ni ama at
mayayanig talaga ang 'yong kalooban sapagkat muntikan na itong mabagsakan ng
salaming Jalousie doon sa kanyang pinapasukan habang
naglalakad at swerteng hindi ito tinamaan. Kung nagkataon, malamang ay
pinagluluksaan na namin si Ama at lubos ang pasasalamat sa Diyos sapagkat di
niya ito pinabayaang mapahamak at buhay na buhay pa rin. Kahapon, muntikan na
kong madukutan samantalang muntikan na palang malagay sa peligro ang buhay ni
Ama, mapalad pa rin kami pagkat di hinayaan ng Diyos na mangyari iyon. Dakong
ikasampo na ng lisanin ang tahanan kasama ang Tita Susan. Pagdating
ng eskwela, ipinabatid sa akin ng kamag-aral na ngayon gaganapin ang Written
exam sa Abnormal Psychology na labis na ikinagulat ng
loob.
7P-v. Sinamantala ang oras na walang guro sa pagrerepaso. Ano pang silbi ng
pagsusunog-kilay kung di naman pumapasok sa utak at idagdag pa ang umiiral na
ingay kaya lalo pa kong nahirapan.
Ilang sandali pa, pumasok na si Ma'am Joyce (Lardizabal) at
nagsimula na ang Written exam. Puro situational ang
naging uri ng pagsusulit kaya sisiw lamang at Common sense ang
kailangan subalit ang problema, di sigurado sa mga sagot at bahala na sa
magiging resulta. Habang isinasagawa ang pagsusulit ay isa-isa naman ibinigay
ni Ma'am ang answer sheet, pasado naman subalit hindi ikinagalak ng
loob ang nakuhang marka. Hindi na nakapagklase pa si Ma'am Joyce kaya
matapos ang napakahabang pagsusulit, lumabas na kami. Sa halip na dumeretso sa
pag-uwi'y hinintay ko muna si Jet para mapagpulungan ang tungkol sa
pag-uulat. Lumampas na sa itinakdang oras ng pagkikita subalit di pa ito
dumarating at mukhang malabo ng tuparin ang aming napag-usapan.
7P-w. Lumabas ako't hinanap siya, hanggang kinalaunan at sa wakas,
nakadaupang palad na ito. Saka lamang winika kung anong gagawin subalit inis
ang namamayani, paano gusto parati'y iaasa sa akin, tila walang pagkukusa at
muntikan ng magtalo. Isa pa'y pagiging lutang nito habang kinakausap at tila hindi
iniintindi ang bawat tagubilin.
Kahit nababanas na, nagawa pa rin magtimpi't hinabaan ang pasensiya.
Matapos ang mga napag-usapan at ng mapanatag, kaagad na kong umuwi. Sana huwag
niya kong biguin sa mga ipinangako niya dahil sa kanya nakasalalay ang magandang
kinalabasan ng aking pinaghirapan at ng aming pag-uulat. Kinagabihan at dahil
bukas na ang pag-uulat sa Sikolohiyang Pilipino, bago matulog
ay nagrepaso muna ako at inihanda na ng husto ang sarili. Ngayon na kakaharapin
ko muli ang pag-uulat ay makakayang lampasan sapagkat batid kong laging
nakasubaybay ang Diyos at di pababayaan. Malapit ng lumalim ang gabi ng
mapagpasyahang matulog.
January
06, 2016
Wednesday
Year IV-006
Wednesday
Year IV-006
7P-x. Wala pa ring pagbabago sa lagay ng panahon tuwing umaga na maginaw at
kay sarap mahimbing at ibalot ang buong katawan sa makapal na kumot. Sa sarap
matulog, di namalayang Alas-sais na ng magising. Ngayong araw na ang aming
pag-uulat at kahit nakapaghanda at ilang beses na itong ginagawa, hindi maialis
ang kaba't pasidhi ng pasidhi habang lumilipas. Pumasok akong dala-dala ang
kaba't sa tindi nito'y nanakit na ang aking sikmura. Dahil sa nararanasang
kaba'y ibig ng huwag ng tumuloy pero nangibabaw ang prinsipyo. Saktong
nagtuturo na si Sir Lanuncia ng makapasok. Patuloy na
sumasakit ang Tiyan kaya di maituon ang pansin sa pakikinig na sa kanya.
Kinalauna'y tila bulang naglaho ang pananakit subalit nakatanim pa rin ang
kaba't lumalago pa nga habang napipinto na ang pag-uulat.
7P-y. Sumapit na ang oras ng Sikolohiyang Pilipino subalit
di pa dumarating ang katuwang na si Jet, iniisip na baka lumiban
muli ito subalit ayaw ko siyang pangunahan at umaasang tutuparin kung anuman
ang napagkasunduan.
Maya-maya pa'y pumasok na si Sir Barrion, hindi agad
makagpasimula gawa na wala pa siya, nilakasan ko na ang loob na humiram
ng Laptop kay Sir subalit di ako pinahintulutan. Sa puntong
iyon ang galit, nag-uumapaw na't hindi na alam ang gagawin. Paspasan ako sa
paggawa ng paraan, lumabas ako't hinanap ito saanmang lupalop subalit di ito
mahagilap. Labis na ang akingStress ng panahong iyon pagkat
gulong-gulo na, sa tindi ng Stress ay muntikan na kong
magkaroon ng Nervous Breakdown subalit di ako nagpanaig. Kung
alam ko lang sana na ganito ang mangyayari, di ko na dapat siya
pinagkatiwalaan, laking inutil ko talaga! Malilintikan ako nito dahil sa
kapabayaan niya.
7P-z. Pagkabalik ng silid ay biglang gumaan ang loob ko ng ipabatid na di na
matutuloy ang pag-uulat ngayon at magkakaroon lamang ang pagpupulong para
sa Thesis.
Mabuti't sa susunod na pagkikita pa ang pag-uulat at nagpapasalamat muli
ako. Ilang sandali pa'y lunch break na. Dahil nagtitipid at sa
halip na mananghalian ay pakikipagtalastasan ang inatupag. Sa oras ng Computer
Science, nagkaroon kami ng hands on activity at itinuro sa
amin ni Sir Ferdinand ang paggamit ng Microsoft Excel.
Matagal ko ng ginagamit iyon at subalit ngayon lamang napagtanto na marami pa
palang pwedeng gawin na ngayon lamang natututuhan at nakakamangha. Makalipas
ang higit sa tatlong oras na babad ang mata sa pagkukumpyuter, saka lamang kami
nakalabas. Sa oras ng PE, magkakaroon pala ng lagumang pagsusulit.
7q-a. Patay nga lamang at hindi ako nakapagrepaso, bahala na kung anong
isasagot sa pagsusulit. Habang abala sa pagkuha ng pagsusulit ay bigla na
lamang uminit ang ulo ni Ma'am sa hindi malamang dahilan, marahil ay may dalaw
subalit nagkakamali sapagkat sinagot-sagot daw ito ng pabalang. Naglalagablab
na mga salita ang nabibitawan ni Ma'am Cariza at mapaiyak na
ito, ilang sandali pa'y umalis ito't ibinuhos sa kasamahang guro ang himutok. Dahil sa
kagimbal-gimbal na pangyayari, nawala na ang konsentrasyon sa pagsagot. Kaagad
ko din naman natapos, iyon nga lamang ay nanghula-hula pagkat mahirap.
7q-b. Maging ako'y nanatili pa rin ang galit sa dibdib pagkat di matanggap
ang nangyari kanina't sasabog na hangga't di nailalabas kaya habang nasa
biyahe'y inilahad ko kina Eloisa at Gin Rhead ang
nararamdaman. Gumaan naman ang loob ko ng mailabas at mapayuhan subalit sa laki
ng kasalanan niya, tila di pa magawang magpatawad. Masamang hindi magpatawad
subalit paano mo patatawarin ang taong malaki ang kasalanang nagawa sa'yo't
maging puso't isip ay sinugatan. Diretso lamon ako pagdating ng bahay at nuod
ng telebisyon. Maya-maya'y naisipan ng matulog. Kung may hinanakit ka sa kapwa
mo, huwag mong itago bagkus ay ilabas ito ng nasa lugar at sabihin sa kanya ng
sa gayo'y magkaayos kayo at di na lumala pa.
January
07, 2016
Thursday
Year IV-007
Thursday
Year IV-007
7q-c. Ang kahapong punong-puno ng hinanakit ang dibdib ay tuluyan ng naparam
at pumalit naman ang kasiglahan ng loob. Sa kabila na tingin ko sa mundong
ginagalawa'y wala ng taong handang makinig sa akin at makakaintindi ay
nagkakamali sapagkat may tenga pa rin na handa akong pakinggan at unawain at
ang gaan sa loob kapag ang nararamdaman mo'y nailalabas pero dapat ay nasa
lugar. Alas-singko pa lamang ng magising ako't tila may iba sa lagay ng sikmura
pagkat kumukulo't pabugso-bugso ang sakit, marahil ay dala lamang ito ng kabag
subalit masamang laman na kailangang ilabas. Dumumi muna ako bago pumasok
subalit kung kailan nasa Unibersidad na ko'y umusbong muli ang Tiyan mas
masidhi kung ikukumpara kanina. Sa takot na mapahiya'y pilit kong pinipigilan
subalit hindi ko na talaga kaya'y may pagmamadaling tumungo sa banyo.
7q-d. Ginhawa at tila gumaan ang tiyan matapos ilabas. Mukhang nasiraan muli
ng sikmura't di batid kung anong pagkain ang dumali. Dahil nagdudumi ako,
napagpasyahan ng huwag ng tumuloy at umuwi na lamang. Ang pagpipigil ng
dumi sa sikmura ay katulad lamang ng galit na kailangang ilabas o ilahad
sapagkat walang maidudulot na mabuti sa katawan kundi sakit at kasalimuotan.
Mabuti't marunong akong ilabas ang mga tinataglay na bagay na maaaring ikasama,
katawan man o buhay. Masama ang magpigil palagi at nakakabuti naman kung
ilalabas mo ito.
7q-e. Hindi pa rin ako tinantanan ng pananakit ng Tiyan at pagdurumi
pagdating ng bahay subalit hindi naman nagtuloy-tuloy at nanatiling malakas.
Kung nagkataon, malamang ay sa ospital muli ang bagsak ko't sangkaterba muling
kwarta ang kailangan ilabas.
Nababato ako kaya paggawa ng Assignment sa Computer
Science ang pinagkaabalahan. Dakong tanghali na ng matapos ito. Gutom
na ko kaya nananghalian na at kahit ugali ko ang pagiging masiba sa pagkain ay
hinay-hinay muna't baka masiraan muli ng Sikmura. Matapos kumain, ako'y nag-siyesta.
Magmula hapon hanggang sa kumagat ang gabi, di na ko gasinong nagdurumi.
Hindi pa madalaw ng antok kaya pakikinig naman ng musika ang naisipang gawin.
Kasing lalim na ng balon ang gabi ng mapagpasyahan kong matulog.
January
08, 2016
Friday
Year IV-008
Friday
Year IV-008
7q-f. Papasikat na ang araw sa labas ng magising at bumangon.
Gaya ng lagay ng panahon, naging maaliwalas din ang pakiramdam ko't tila ang
sigla-sigla muli ng nasa loob. Sana'y manatiling ganito upang sa ganon lahat ng
bagay na aking mapagdadaanan, makakayang lampasan. Matapos mag-agahan,
pagbabantay muli sa tindahan ang siya kong inatupag. Ang tumal ng mga bumibili
kaya di maiwasang mabato. Para maibsan ang pagkabato, nagbasa-basa na lamang
ako ng sa gano'y magkalaman ang utak. Masarap pag-aralan ang Logic at
marami kang bagay na ngayon lamang natutuklasan na maaaring magamit sa
pang-araw-araw na pamumuhay, kaso may mga oras na sumasakit ang ulo lalo na
kapag nakakalito't hirap unawain. Gayunpaman ay may natututuhan pa rin ako't
pakiwaring ang matalino kapag nasasagutan ang mga exercises.
7q-g. Maya-maya'y inihanda ko na ang sarili sa pagpasok. Mabuti pa ang mga
kamag-aral ko, walang pasok ng ganitong araw, samantala ako'y kailangan pumasok
pagkat may isang Subject. Pinili ko ito at kailangan lamang
panindigan. Naging napakabagal ng usad ng mga sasakyan kaya saktong nasa pisara
na si Ma'am Joyce pagkatungtong ng yapak sa silid at nagtuturo.
Sa bait Ma'am ay di naman ako nasita, kaso ay di mapigilang makaramdam ng hiya.
Tungkol sa Tourette Syndrome ang aralin namin ngayong sesyon
at kaawa-awa pagmasdan ang mga taong may ganoong uri ng sakit, hirap nilang
kontrolin ang paggalaw ng katawan at maging sa pananalita'y hindi mo maunawaan
kung anong sinasabi. Mas masahol pa kung ikukumpara sa Autism o ADHD at
kailangan pa lalong palawakin ang pag-unawa sa kanila. Ilang saglit pa'y uwian
na't pagdating ng tahanan, paglalaba ang inatupag ko. Makulimlim ang panahon
ngayon at tila nagbabadyang bumagsak ang Milagrong tubig, sa takot na abutan ay
may pagmamadali na sa pagkukusot at pagsasampay.
7q-h. Kinagabihan, panonood naman ng telebisyon ang inatupag ko. Kay sakit at
saklap naman isipin na ang lalaking iyong tinatangi-tangi't nagbibigay saya
sayo araw-araw ay may iba na pala't saktong kaibigan mo pa. Kahit di ko pa
nararanasang masaktan dahil sa pag-ibig, batid ko na ang sakit at para bang
ibig mo ng lumayo o di kaya'y tapusin ang buhay ng matapos na ito. Ang masakit
pa lalo, parati kang sinasama tuwing may Date sila o lakad at
paulit-ulit mong nararanasan ang sakit. Kung ako sa kanya, gagawa ako ng paraan
para hindi masaktan.
7q-i. Magparaya na lamang at huwag ng ipagpilitan kung alam mo naman na di ka
niya mahal at humanap ng iba na kaya kang mahalin sa kabila na kung ano ka pa.
Hindi pa ko makatulog kaya naisipang manood ng Gag Show at
dami kong tawa kay Bakokang. Sa kabila na hindi pinagpala ang
hitsura niya't dinaig pa si Bakekang, nakakapagpasaya naman siya ng
manonood at muntikan ng sumakit ang Tiyan. Kung ako pangit, sa halip na
masaktan ay masaya pa nga pagkat marami kang taong napapasaya kahit di ka na
magpatawa. Mas nanaisin ko pa masaktan kaysa ako ang nakakapanakit sapagkat ang
bawat sakit ay may kapalit na kaginhawaan ng buhay. Mabait ang Diyos at di
habang buhay ay ipaparanas sa'yo ang napakapait at malagim na buhay.
January
09, 2016
Saturday
Year IV-009
Saturday
Year IV-009
7q-j. Sa kasibaang matulog, tirik na ang haring araw sa labas ng magising.
Habang nasa biyahe, biglang sumagi sa isipan na magkakaroon pala ng pagsusulit
sa Exceptional Psychology, hindi ako nakapagrepaso kaya naisipang
lumiban na lamang. Sa halip na idako ang yapak sa silid, tumungo ako ng Library.
Habang nasa Library, sinimulan ng gawin ang Case Study sa Abnormal
Psychology. Pagsapit ng Alas-dyis, tumungo na ko ng silid. Pagkapasok ay
saktong nasa harapan na si Ma'am Joyce (Geronimo) at
nagtuturo. Maya-maya pa, may panibagong palaro muli siyang itinuro sa amin at
iyon ay dudugtungan ng bawat mga kalahok ang salitang kanyang binigkas upang
makabuo ng pangungusap. Nakakaaliw ang palaro subalit kailangan malalim at
mabilis ka mag-isip.
7q-k. Nang kami na ang sumalang, di na mapigilan ang kaba sa dibdib at sa
kada tutok ni Ma'am ng mikropono, napapasigaw ako habang nilalapatan ng salita. Nang wala na kong
maisip idugtong, di na pinalad pang makasali sa laro. Sayang at ako na lamang
ang natitira para mapanalo ang kagrupo, natanggal pa. Sa huli, ang katunggaling
grupo ang nagwagi. Kahit natalo, di pa rin nawawala ang saya sa dibdib, basta
kay Ma'am Joyce ay nagiging Goodvibes ang
buong klase't marami pang natututuhan. Ilang saglit pa'y Educational
Psychology na at nagkaroon muli ng pangkatang pag-uulat. Habang may
nag-uulat sa harapan at dahil nababagot, bigla akong tinamaan ng antok
hanggang sa nakaidlip. Nainis lamang ako kay Sir Barrion, sa halip
na sawayin niya ang mga kamag-aral na kinukuhaan ako ng litrato habang tulog,
kinokonsinti pa niya at nahirit pa, akala naman di ko narinig ang mga sinabi
niya, di porket tulog ako. Ayos lang sa akin kung sawayin ako kapag natutulog
pagkat tungkulin niya iyon.
7q-l. Sa ipinapakita niya, parang di siya guro kung umasta! Tila nawalan
na ko ng respeto sa kanya at sa inis, lumabas muna pansamantala upang
magpalamig. Ilang sandali pa'y uwian na. Sinamahan ko muna sina Mary sa Canteen upaing
kumain. Habang kasarapan ng aming pag-uusap ang biglang pagdating ni Jet at
nagliyab agad ang mga mata ko ng tumama ang paningan sa kanya. Darating na sa
puntong ibig ko siyang sigawan at paulanan ng maaanghang na salita pero biglang
naging mamon ang puso't lumamig ang naglalagablab na saloobin ng sabihin nito
ang dahilan. Pumalit ang awa ng marinig ang kanyang paliwanag subalit ang
tiwala ay kailanman ay di ko na maibibigay sa kanya't ayaw ng makihalubilo pa.
7q-m. Natapos ang usapan namin na walang bangayang naganap. Kasalanan din
naman niya, kung ipinabatid niya lang sa 'kin ang dahilan at di na pinaasa pa,
di na sana magagawang magtanim ng galit. Maya-maya pa'y lumisan na kami. Todo
anyaya sa akin sila Eloisa na mamasyal sa Mall,
kaso di na pumayag pagkat may gagawin pa ko. Kinagabihan at matapos maghapunan,
ipinagpatuloy kong gawin ang Case Study. Akala sa una, madali
lamang pero ng maglaon tila di na biro't sumakit ang ulo sa kakaisip ng Statement.
Naging abala ako sa paggawa ng Case Study kaya muntikan ng
abutin ng hatinggabi ng mapagpasyahang matulog.
January
10, 2016
Sunday
Year IV-010
Sunday
Year IV-010
7q-n. Matapos ang anim na araw na sunod-sunod na may pasok ay ngayon lamang
magkakaroon ng panahong makapagpahinga subalit di ko magagawa, sa dami ba naman
ng dapat asikasuhin at tapusin. Sa lamig ng panahon, naging pahirapan muli sa
akin ang bumangon ng maaga kaya tinanghali na. Matapos mag-almusal, ginawa ko
kaagad ang Case Study. Anong hirap pa rin na tipong ikasakit
ng bungo sa kakaintindi't kakaisip ng isusulat. Sa hirap, tinamad na ko kaya
itinuon ang oras sa gawaing bahay. Ng masigurong wala ng bahid ng dumi ang
sahig, paglalaba naman ang inatupag ko. Kahit sangkatutak ang ginagampanan
ngayon, hindi pa rin kumukupas ang taglay na lakas at tila sinisipag ako. Hindi
man nahapo, nagutom naman ako kaya diretso tungo sa mesa ng maluto ang ulam.
Sige lamang sa paglamon na tila mauubusan at wala ng bukas pero kahit masiba
akong kumain ay nananatili pa ring balingkinitan ang pangagatawan at salamat sa
maykapal na di nakakalimutang pagkalooban ng grasya.
7q-o. Matapos lamnan ang kalamnan, ako'y namalantsa. Sa dami ng aking
pinalantsa ay abutin na halos ng dalawang oras subalit matagumpay naman
natapos. Pagsapit ng hapon at dahil Linggo, naisipan kong magsimba upang
magpasalamat dakilang Maykapal. Saktong nagtatalumpati na ang pari pagkarating
ng Saint Peter Church at daming nagsipagsimba kaya di agad makapasok.
Ngayon na panahon muli ng pangangampanya para sa Eleksyon ay talamak muli
ang Vote buying upang sa ganong paraan ay makuha ang simpatya
ng taong bayan at mapalakas ang kanyang pangalan, bagay na kung ihahalintulad
ay nanduruga ka. Tama si Father, kapag binyag ng iyong anak ay
huwag piliin bilang Ninong o Ninang ang mga Politiko sapagkat kapag sila'y
namigay ng Aguinaldo tuwing Pasko, nangangahulugang nakasangla
na ang anak mo't utang na loob mo ng iboto siya.
7q-p. Mangilan-ngilan na lamang ang mga Politikong tuwid ang pamamaraan ng
pagtakbo subalit ang problema, hirap kilalanin kung sino sila at kailangan
mabusisi upang di magsisi sa ating ihahalal. Nang matapos ang misa, nagdasal
muna ako. Kay gaan sa pakiramdam kapag kinakausap mo ang Diyos at tila ang
naiilawan ang buhay mo. Bago umuwi, tumungo muna ng Computer shop upang
gumawa ng Assignment. Malapit ng dumilim ng makarating sa bahay.
Nakakabitin lamang sapagkat may pasok muli kinabukasan at di man lamang nasulit
ang araw na ito, gayun talaga't tuloy ang buhay estudyante hangga't di pa
nakakapagtapos ng pag-aaral. Bukas na rin pala ang pag-uulat ko kaya di
mapigilan ang kaba. Hindi naman ako pababayaan ng Maykapal kaya makakaya itong
lampasan.
January
11, 2016
Monday
Year IV-011
Monday
Year IV-011
7q-q. Pagkatulin ng paglipas ng panahon at di namalayang sumapit muli ang
araw ng Lunes, panibagong simula muli ng araw na ito para sa linggong ito. Sa
halip na sigla ang humarap sa aking paggising ay kaba na kagabi pa nararanasan
at pasidhi ng pasidhi habang napipinto ang pag-uulat ko. Hindi ko masabi kung
matutuloy ba ang aking pag-uulat at bahala na kung anuman ang kahihinatnan.
Kahit mababanaag sa mukha ang pagkakaba'y hindi naman nito napigilan ang
pagpasok ko. Sa dami ng bagay na naglalaro sa isipan, nakaligtaang magkakaroon
pala ng Oral Recitation sa Logic subalit
binigyan kami ng kaunting panahon ni Sir upang magrepaso't makapaghanda.
7q-r. Maya-maya pa, nagsimula na ang recitation. Madadali lamang
ang mga katanungan ni Sir sa una kaya kaagad nasasagutan pero pagdating sa mga
sumunod na Round, doon na nahirapan at nalilito kaya ang ilan sa
amin, halos mapakamot na ang ulo't matulala. Kahit di sigurado sa mga
isinasagot ay nakakatsamba pa rin. Lalo pang tumingkad ang kabang nadarama sa
pagsapit ng Sikolohiyang Pilipino. Laking pasalamat ko kay Ate
Venus sapagkat kahit di niya araw ngayon upang mag-ulat, nagdala pa
rin ito ng Laptop para may magamit ako't napakabusilak ng
kanyang kalooban. Patunay ngang may mga tao pa rin na handa akong
pagmalasakitan at isa na siya roon.
7q-s. Sa pagpasok ni Sir Barrion ang pagsisimula agad ng
aking pag-uulat at buong tapang na nilabanan ang kaba't nilakasan ang loob na
humarap sa mga kamag-aral at magsalita. Lumuwag ang aking paghinga matapos
mag-ulat at salamat sa maykapal sapagkat kahit di ako gasinong nakapaghanda,
nakapag-ulat pa rin ng maayos at binigyan ng lakas ng loob. Sana'y patuloy niya
kong gabayan at tulungan sa mga darating pang hamon sa buhay. Matapos aybreaktime na,
todo anyaya sa akin si Ate Venus na maki-sit-in sa
susunod niyang klase't di ko makayang tumanggi pagkat may utang na loob sa
kanya pero napurnada dahil sa di inaasahang pangyayari. Nang masolusyunan, saka
ko lamang tinupad ang kagustuhan niya't pagdating namin ni Limboc,
saktong may nag-uulat at si Sir Barrion ang professor nila.
7q-t. Mabuti pa sa klase nila, tahimik at walang nabuka ang bibig habang may
nag-uulat samantala sa akin kanina, sinasabayan. Nakakainggit lamang sapagkat
di hamak na mas mababa ang antas nila sa amin subalit sa nakikita ko'y mas
marunong silang rumespeto't nagulat ako ng masilayan iyon sapagkat hindi ko pa
nakikita sa lahat ng Dash o klase na pinasukan nitong kolehiyo
sa tuwing may nag-uulat at disiplinado sila't makikitang nakikinig. Nagsalita
pa si Sir Barrion bago kami lumabas at kahit kailan, pasakit
si Sir sa mga estudyante, biruin mga First year College pa
lamang sila ay may Case Study na't mas mahirap pa kung
ikukumpara sa dalawa kong Case Study.
7q-u. Malas nila't si Sir Barrion ang naging guro't sakit ng
ulo't pagod ang matatamo sa kanya. Pagkapasok namin ng ibang silid, saktong
nagtuturo na si Ma'am Angie. Tungkol sa binary numbers ang
itinuro niya't nakakamangha ang lesson pagkat madali
at para lamang itong Math.Ilang saglit pa, sa wakas at uwian
na. Diretso Siyesta ako pagdating ng bahay at malapit ng
gumabi ng magising. Pagsapit ng gabi, anong alinsangan muli ng panahon na tila
kayang magpahitik ng pawis, sa init ay di mahimbing-himbing sa pagtulog.
January
12, 2016
Tuesday
Year IV-012
Tuesday
Year IV-012
7q-v. Kalaliman na ng gabi subalit di pa rin magawang mahimbing sa pagtulog
gawa na maalinsangan ang panahon, idagdag pa ang mga nagliliparang lamok na
walang kabusugan sa pagpapak ng dugo't kairita ang kanilang tunog. Dahil di
makatulog kagabi, dakong ikawalo na ng umaga nagising. Paggawa agad ngCase
Study ang inatupag ko matapos mag-agahan. Kahit hindi biro't sakit ng
ulo ang kalaban sa kakaisip ng Statement, ipinagpatuloymakapasa pa
rin sa kagustuhang makapasa't makamit ang maayos na marka. Sa dami ng kailangang
punan na katanungan, kinapos na sa oras at bigo muling matapos. Maya-maya pa'y
naghanda-handa na para sa pagpasok. Sa halip na tumungo ng silid at dahil maaga
pa nama'y nanatili muna sa Lobby at ipinagpatuloy gawin
ang Case Study. Hindi ko pa nga natatapos ang Case Study,
may panibagong Case Study muling ibinigay sa amin si Ma'am
Joyce at unang linggo ng susunod na buwan ang pasahan.
7q-w. Mukhang marami akong kailangang asikasuhin ngayon na nadagdagan ang
aking gawain pero kakayanin basta nandiyan ang Maykapal. Hindi naman gasinong
kahirap ang panibagong Case Study kaya matatapos din agad. Pagkatapos ay saka
pa lamang nagturo si Ma'am at tungkol sa Communication disorder ang topic. Abnormal
Psychology subject ang pinasukan ko pero parang English class pagkat
puro mga Ponema't kung ano ang mga tunog nito ang itinuturo sa amin. Tawanan
kami sa tuwing may nagkakamali sa pag-usal ng bawat baybayin at mistulan kaming
bumalik saKinder. Sa mga sinasabi ni Ma'am, parang ipinapahiwatig na may
ganon akong kondisyon pagkat madalas magkamali sa pagbigkas ng mga salita o
kung minsan ay nagkakapalit-palit ang mga letra habang binabaybay at nauutal
ako sa pagsasalita kapag nagsasalaysay. Subalit di ko pa matiyak sa sarili kung
iyon nga ba ang kinaharap na sakit o baka naman may iba pa.
7q-x. Kahit unti-unti ng nalalaman kung ano ang mali sa akin, hindi ako
napanghihinaan ng loob na mag-patuloy sa buhay at pag-aaral at batid sa
sariling malalampasan ito. Matapos at sa halip na umuwi, tumungo muna ako
sa Library upang manghiram ng aklat. Wala naman makitang
pwedeng hiramin kaya bumaba na lamang ako. Pagkababa, may dalawang guro ang
bigla akong tinawag at magkahalong kaba't sabik ang naramdaman ko. Iniisip ko
na baka isasali nila ako sa rehearsal ng kanilang sabayang pagbigkas
pero may ipag-uutos lamang pala. Hindi naman taus sa Puso ang ipinapagawa,
hindi naman ako makatanggi dahil sa hiya't sinunod pa rin. Mabuti na lamang at
namataan si John Ray, nagpasama ako sa kanya habang isa-isang
pinupuntahan ang silid upang pababain ang iilang estudyante.
7q-y. Nahihiya man, nilakasan ang loob na makiharap sa kanila at magsalita.
Matapos isakatuparan kung anuman ang ipinag-uutos, saka lamang nakauwi. Anong
init ng panahon sa aking pag-uwi't maligo na halos sa sa sariling pawis subalit
naibsan naman ng bumuhos ang ulan. Pagpatak ng gabi, walang magawa kaya
panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Ang ganda't makapigil hininga ang
kaganapan sa Pangako Sa'yo sapagkat ang inakalang patay na
si Claudia, buhay pa pala't nagpakita sa mismong kasal pa nina Amor at Eduardo at
nagpapanggap na walang naaalala. Hindi pa man nagsisimulang maghigante si Claudia,
dama ko na ang Suspense. Pagkatapos, agad ng natulog.
January
13, 2016
Wednesday
Year IV-013
Wednesday
Year IV-013
7q-z. May magaganap na Film Showing ngayong araw kaya
napagpasyahan huwag ng pumasok at ipagpatuloy ang pagtulog. Dakong ikawalo na
ng umaga nagising. Hindi ko alam sa sarili kung tama bang lumiban muli sa
klase, wala naman gagawin sa bahay kapag walang pasok at dala na mababagot lamang,
nagbago na ang isip at pumasok pa rin ako. Pagkarating ng Unibersidad, sumilip
ako't saktong oras na ng Sikolohiyang Pilipino at nag-uulat
ang iilang kamag-aral, hindi na ko pumasok pa't hinintay silang lumabas. Ilang
minuto pa ang lumipas ng magsilabasan ang mga kamag-aral. Kasama sina Mary,
tumungo kami ng Canteen. Panay ang pangungulit nila sa akin na
makisabay sa pagkain kaso sa kagustuhang makatipid ay di ako makapayag-payag.
Upang hindi lamunin ng pagkabagot at gutom sa kakatitig, nilibang ang sariling makipaghuntahan
kay Vladimir at tamang pasyal lamang kami.
7r-a. Gusto ko siyang kausap sapagkat lahat ng naging karanasan niya sa buhay
ay nasasabi sa akin at pinapamukha na mapagkakatiwalaan ako. Bukod pa roon ay
malapit siya sa Diyos at parang Pastor ang kausap ko kapag
tinuturuan tungkol sa Bibliya. Sa sarap ng aming kwentuhan, di napansin ang
oras at kailangan ng bumalik. Matapos nilang kumain, tumungo naman kami
ng Library at pinag-usapan ang tungkol sa paggawa ng Thesis.
Sa Title pa lamang at layunin, mukhang di magawang
magkasundo't nagtatalo-talo na subalit di naman nauwi sa personalan attin
naging mahinahon pa rin ang pag-uusap. Sa huli, desisyon ni Mary ang
nasunod. Ilang saglit pa'y tumungo ng Computer Laboratory subalit
kami lamang ni Janna.
7r-b. Tungkol pa rin sa paggamit ng Microsoft Excel ang
itinuro sa amin ni Sir at walang ginawa kundi mag-hands-on. Sa
sangkatutak na Formula na itinuturo'y tila nahihirapan na ang
tuktok na tanggapin at sa halip na umukit ay sumasakit lamang, walang sinabi
ang Math at Physics sa hirap. Makalipas ang
halos tatlong oras ng matapos ang oras ng Computer Science. Dadalo
sana ako sa klase ng PE subalit nakaligtaang dalhin ang
uniporme, naisipan na lamang sumabay kina Ate Venus at Dane sa
pag-uwi. Habang kami'y naglalakad, magkahalong tuwa at kilig muli ang
naramdaman ng masilayan si Sir Jigo. Laking hanga ko sa kanya
sapagkat sa kabila ng kanyang katayuan ay naglalakad lamang ito, doon ko nakita
ang pagiging mapagkumbaba niya't hindi importante kung ano at sino siya basta
puro prinsipyo ang mauuna.
7r-c. Kahit mapolusyon ang binabagtas na daana'y wala akong makitang
kaartehan sa kanya, wala din itong pakialam kung mausukan o maalikabukan at
nakakabilib. Sa labis na sa sabik, ibig sanang bilisan ang paglalakad ng sa
gano'y maabutan ito kaso pinangunahan muli ng hiya. Di akalain na mangyayari
muli ang araw na ito't nag-uumapaw ang tuwa sa dibdib. Kahit di ko na siya
madalas nakikita'y nanatili pa rin ang pagtatangi't tila tumingkad pa nga dahil
sa aking nasubaybayan. Mga dakong Alas-singko ng makatungtong ang yapak sa
tahanan at magkasamang gutom at pagod ang inabot ko. Maya-maya pa, hapunan na't
hindi na nakapaghintay sa paglantak ng ulam. Pagsapit ng gabi't gawa na di pa
dinadapuan ng antok, nakinig muna ako ng musika. Kagiliw-giliw sa pandinig ang
mga awiting Pilipino't nakakakilig at hugot na hugot ang hatid
nitong mensahe. Nang antukin at magsawa sa pakikinig, saka lamang natulog.
January
14, 2016
Thursday
Year IV-014
Thursday
Year IV-014
7r-d. Nagwagi na ang liwanag ng magmulat ang aking mga mata't tuwa't
pananabik agad ang nangibabaw sa dibdib sa pagbangon ko. Tila isa muli ang
umaga na ito sa pinakamagandang dumating sa buhay at nawa'y wala hindi ito
magbago hanggang sa magtapos ang araw. Sa kabagalang kumilos gawa na malamig
ang panahon, malapit ng pumatak ang Alas-nuebe ng makaapak sa eskwela't
nadatnang nanonood ng Film ang mga kamag-aral. Tungkol pala sa
isang bata na ipinanganak na Bulag at bingi na si Helen Keller ang
tampok sa palabas at tanging pagkapa lamang ang nagsisilbing sensory niya. Madalas itong
nagwawala na tila sinasaniban kapag tinuturuan ng guro na si Anne Sullivan kung
paano kilalanin ang mga bagay sa pamamagitan ng pagkapa't pagkompas ng diliri
na sumisimbolo sa bawat letra.
7r-e. Sa kabila na nahihirapan si Anne kay Helen dahil
sa kanyang kondisyon at tutol na ang magulang nito sa paraan ng kanyang
pagtuturo ay hindi pa rin ito sumuko't ginawa ang lahat, magkaroon lamang
ng improvement kay Helen. Hindi nagtagal at dahil may
angking katalinuhan si Helen, natutunan rin niyang magsalita't
makilala ang mga bagay na kanyang nakakapa. Sa paglipas ng mga panahon ay
nakapag-aral ito't nakapagtapos at malayo na ang kanyang nararating.
Muntikan ng mapaluha sa palabas na The Miracle Worker at
nakakabigay inspirasyon para sa mga taong gaya niya. Sino ang mag-aakala na
isang Bulag at Bingi, kayang makipagsabayan sa mga Normal na tao't makaangat sa
kanila't kahanga-hanga ang naging kwento ni Helen.
7r-f. Sa sobrang ganda ng palabas ay ang lakas ng impact sa
akin at kahit wala na sa paningin ay naiisip pa rin. Sa oras ng Education
5, may bago muling palaro sa amin si Ma'am Joyce at iyon
ay Seven Up. Pamilyar na sa 'kin ang laro kaya hindi na nalilito pa
habang iyon ay nilalaro subalit nakakataas ng tensyon. Matapos ay nagturo na
si Ma'am Joyce. Tama si Ma'am, huwag kang matakot magkamali dahil
ang buhay ay may Trial and Error at maraming bagay na
natutuhan sa kanya na makakatulong sa buhay. Sa oras naman ng Educational
Psychology, nagkaroon kami ng maikling pagsusulit at tungkol iyon sa Theories
of Personality.
7r-g. Medyo pamilyar na sa akin ang mga katanungan subalit di alam kung ano
ang isasagot at madalas ay nganga. Sa huli ay hindi pinalad makapasa't
dismayado ako pero hangga't may nakikitang pagkakataon, may pag-asa. Pagkatapos
ay uwian na subalit sa halip na umuwi'y nakipag-hang-over muna sa
aking mga kabarkada na sila Eloisa't parang may mga sapi kung
maghalakhakan. Sa lahat ng nasa Canteen, kami marahil ang bukod
tanging maligalig. May gagawin pa ko kaya di na pinatagal pang makihalubilo sa
kanila't nagpaalam na. Dakong ikalima na ng hapon ng makarating ng bahay at sa
dami ng ginawa ngayong araw ay nahapo ako ng lubusan subalit ginhawa naman ang
kapalit. Bago makamtam ang karangyaan, may sakit at dusa munang pagdaraanan at
totoo iyon.
January
15, 2016
Friday
Year IV-015
Friday
Year IV-015
7r-h. Walang pasok kung kaya matayog na ang sikat ng araw ng magising at
bumangon. Matapos mag-almusal at dahil mag-uulat muli sa Sabado, pagrerepaso
ang inatupag ko. Madali ko naman maunawaan ang binabasa subalit ang problema ay
nahihirapan kung paano ito ipaliwanag. Hirap maging reporter kung
hindi ka mahusay magsalita't maraming gumugulo sa isipan, pilit man isantabi
subalit naririyan pa rin at patuloy na sumasagi. Maya-maya pa'y tumungo na
sa Computer Shop upang gawin ang Slide show presentation.
Laking pagsisisi ko sa Computer shop na pinasukan pagkat ang
liligalig ng mga umuupa't ang lalakas ng boses na tila walang pakialam sa iba
na rinding-rindi na, di na tuloy makapag-concentrate. Kahit naririndi
na'y walang ginawa kundi magtiyaga't ipagpatuloy ang ginagawa. Sa dami at di
basta-bastang gawain, inabot na ng dalawang oras ng matapos ito.
7r-i. Sa pagod, diretso ako sa pagtulog pagdating ng bahay. Pagsapit ng hapon,
anong alinsangan muli ng panahon ang aming naranasan at tila Summer na
kahit di pa sumasapit ang panahon ng tag-init. Upang di bukbukin sa pagkabagot,
pagtitinda ang naging pampalipas oras ko. Nang malapit ng kumagat ang gabi at
gawa na abala si ina sa pagtitinda, pagluluto ng hapunan naman ang inatupag.
Minalas lamang ng lagay sapagkat habang nagpiprito'y saktong humina na ang
ningas ng Kalan hanggang sa mamatay na ito, hindi pa luto ang niluluto kaya
kailangan pang paningasin ang Tungko ng sa gano'y may magamit at iyon ay
pahirapan.
7r-j. Dahil sa pagtitiyaga'y napaapoy ko naman ito't matagumpay na naluto ang
ulam. Kapag natamo mo kung ano ang minimithi dahil sa pinaghirapan at
pinagsumikapan ay kay sarap damhin sa dibdib at pakiwaring nasa alapaap ka
subalit takot at di mapapanatag ang loob kapag ikaw naman ay nandugas. Mabuti't di ako
sumuko, sarap na sarap sa paglantak ng niluto ng walang konsensiyang
bumabagabag. Kung ibig mong makamit ang bagay na minimithi, idaan sa
pagsusumikap di sa pandurugas o panglalamang pagkat saksi ang Panginoon at di
niya hahayaang magtagumpay ang taong mahilig mandugas.
January
16, 2016
Saturday
Year IV-016
Saturday
Year IV-016
7r-k. May pasok muli kahit weekend na at ibig pa man
maglupasay sa kama ng tagal at sarap, hindi ko na pinatagal pa ang bumangon.
Pagkatungo sa eskwela'y saktong nakasalubong si Gin Rhead. Ipinabatid
niya sa akin na walang klase sa Exceptional Psychology,
at sa halip na idako ang yapak sa silid, tumungo kami ng library.
Habang nasa library, walang ibang ginawa kundi magpalitan ng
kuro-kuro, masarap kakwentuhan si Gin Rhead at lahat ng nasa loob,
nagagawang ilahad sa kanya. Makalipas ang halos dalawang oras, dumako na kami
ng silid. Si Eloisa pa lamang ang nadadatnan at wala pa sina Mary.
Kabagot ang nakaupo lamang kaya pakikipagdaldalan ang siya naming libangan at
minsan ay tawanan. Natigil lamang ang pag-uusap ng pumasok si Ma'am
Joyce (Geronimo).
7r-l. Nagkaroon kami ng Demo teaching at itinuro niya sa
amin ang tamang paraan ng paggawa ng lesson plan. Sa paggawa pa
lamang ng Lesson plan, hindi pala basta-basta ang maging guro't
kailangan ay detelyado't kaunting mintis lamang ay purnada na ang pagtuturo.
Pagkatapos ay pinagpangkat-pangkat na kami't kina Hilary ako
napabilang. Mapalad ang pangkat namin sapagkat sa Final period pa
mag-uulat at pwede pa magbuhay alamang. Maagang umalis si Ma'am Joyce at
habang bakante ang oras ay tumungo kami ng Canteen at kumain.
Ilang sandali pa'y bumalik na ng silid at saktong naroroon na si Sir
Barrion at nagsimula na ang pag-uulat. Ang nakakabato't seryosong
pag-uulat, nauwi sa tawanan at kantiyawan. Kung maka-link naman si
Sir kay Glysa, akala naman ay may gusto ito sa kanya't
masyadong assuming!
7r-m. Talagang hindi professor kung umasta si Sir at kahit
sabihing nakikipagbiruan lamang ay di nakakatuwa't nakakainis pa at di dapat
tularan ang ganung guro.
Sa kakahiyaw dahil sa kanilang dalawa, wala na kaming matutuhan sa reportnila,
paano'y hinahaluan ng kalandian. Maya-maya'y nagsikip ang dibdib ko pagkat
tinatamaan sa sinasabi ni Glysa at marahil ay di kami para sa
isa't isa sa ngayon at kailangan munang tapusin ang pag-aaral. Ganda kasi
ni Glysa kaya maging si Sir Barrion, pinapahiwatig na
nagkakagusto sa kanya. Bago umuwi, sinamahan muna si Eloisa pagtungong SM,
nakakatuwanv kasama si Eloisa sapagkat bukas siya sa akin at
ini-entertain. Sa layo ng nilakad, muntikan ng mahapo ng labis.
7r-n. Pagdating ng bahay at dahil may pinuntahan ang ilaw ng tahanan, ako ang
nagbantay sa tindahan. Masama man itong gagawin ko subalit sa kagustuhang
makaipon at matuloy ang balakin, lakas loob na ibinubulsa ang bawat kwartang
kinikita. Patawarin nawa ako ng maykapal sa aking pangungulimbat at di bale,
babawi na lamang.
Sa totoo lamang ay kinakabahan sa aking ginagawa subalit ito lamang ang
naiisip na paraan. Matapos magtinda, pagsusulat ng Gothic Letter ang
inatupag ko. Hindi biro ang magsulat niyon at oras ang aabutin bago mabuo ang
isang salita ng walang mintis. Sumapit na ang gabi, di ko pa natatapos isulat
ang pangalan sa pamamagitan ng Gothic. Determinado ko itong tapusin
kaya kahit mahirap, buong tiyagang pinagkakaabalahan. Malalim na ang gabi't
medyo mugto na ang mata sa antok kaya ipinagpabukas na lamang at natulog.
January
17, 2016
Sunday
Year IV-017
Sunday
Year IV-017
7r-o. Napasarap muli ang tulog kaya tinanghali na ng gising. Kay aliwalas at
ganda ng naging umaga ko na siya pa lalong nagbigay sigla sa kalooban at
makakayang gawin kahit gaano pa kabigat. Nang makapag-almusal, ipinagpatuloy ko
ang pagsusulat ng Gothic Letter at mistulang nagtatatak lamang
ng tatto sa katawan sa ginagawa. Napagtanto ko na di pala biro
ang ganong trabaho't kailangang detelyado ang bawat hulma ng letra o bagay na
pinangagayahan sa paglalapat ng tatto para maging kaaya-aya sa
paningin at lalo pang dumugin ng kliyente. Sa hirap isulat ang Gothic,
hindi ko makuha ang tama nitong porma't madalas ay nagkakamintis kaya di
maiwasang magbura. Inibig ko ito kaya di tumigil kahit hirap na hirap na sa
pagsusulat. Dahil sa aking pagtitiyaga, natapos din naman ang pagsusulat
ng Gothic letter at ginhawa ang pumalit sa mukhang tila
naghihingalo. Sumunod at dahil wala
ng magawa, paglalaba ang inatupag at malapit ng sumapit ang tanghali ng matapos
iyon.
7r-p. Pagpatak ng tanghali, makasunog balat muli ang init na aming naranasan,
walang magawa kundi batain ang hirap na hatid ng maalinsangang panahon at
mag-isip ng paraan para maibsan ang init. Sa panahon ngayon ng El Niño,
init at tuyo ang matinding kalaban at kailangan maging handa't madiskarte upang
di mabiktima't manatiling buhay. Kanina pa kumakalam ang sikmura kaya ng maluto
ang ulam, diretso tungo sa kusina't lantak na tila walang pakundangan. Pagsapit ng hapon,
pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag. Heto muli ang kamay na
mangungulimbat ng kwarta kahit inuusig na ng aking budhi sa kagustuhang lumago
ang ipon. Patawarin sana ako ng maykapal at ni ina sa aking ginagawa't di ko
ito ginusto. Kung may naiisip lamang na paraan, hindi ko iyon gagawin. Habang
nagtitinda'y gumawa na rin ng assignment sa Computer.
Mahirap sa una aralin ang Binary at Octal subalit
nakukuha naman kinalaunan.
7r-q. Pagkagat ng dilim, pamamalantsa naman ang inatupag ko. Kakaunti lamang
ang dapat plantsahin kaya kaagad din natapos. Hindi na makatiis pa ang mata't
gawa na nababato'y naisipang gugulin ang oras sa panonood ng telebisyon. Ikinalungkot ko
lamang ang natunghayang palabas at tungkol iyon sa magkasintahan na kung kailan
malapit ng ikasal sa isa't isa, saka naman pumanaw ang babae. Sayang lamang
sapagkat hindi na matutupad ang pangarap na magkasama sila habang-buhay at
makabuo ng magandang pamilya. Sa kabila na napakasaklap ng napagdaanan ni
Lalaki, hindi siya sumuko't determinadong makabangon at malampasan iyon, kaso
ay di na ito iibig pa sa iba't patuloy na babaunin sa isip kahit nasa kabilang
buhay na. May pasok na kinabukasan kaya kaagad ng natulog.
January
18, 2016
Monday
Year IV-018
Monday
Year IV-018
7r-r. Parang guhit ng kidlat ang pagdating ng Weekend at di
man lamang ito naramdaman sa bilis. Sumapit muli ang Lunes at may pasok
nanaman, kahit mugto pa ang mata sa antok at ibig ko pang umidlip, kailangan ng
awatin ang sarili't mag-almusal. Kahit di gasinong kaaga nagising, hindi naman
nahuli sa pagpasok at saktong hindi pa nagsisimulang magturo si Sir
Lanuncia. Ilang sandali pa'y nagturo na sa amin si Sir. Mas mahirap
kaysa sa mga nauna ang panibagong lesson niya ngayon,
nakakalito't sumasakit ang ulo kapag iniintindi. Akala ko sa una, madali lamang
ang Logic at kahit na sino na di pinagkalooban ng katalinuha'y
makakayang sagutan, di pala't para lamang sa mga matatalas at malalalim na isip
ang Logic.
7r-s. Pagkatapos ay nagkaroon kami ng activity at sa hirap
ay nga-nga na lamang. Nagpaturo ako kay Sir at saka lamang nakuha ng ipaunawa
niya sa akin ng husto. Parang pag-ibig ang Logic, sadyang
kumplikado minsan at kailangang unawain. Talo ka kapag sumuko't di nireresolba.
Sa oras naman ng Sikolohiyang Pilipino, isa-isa ng tinawag ni Mr.
Assuming na si Sir Barrion upang ipakita ang aming
grado. Biglang umiral ang kaba sa dibdib at dahil napanghihinaan ng loob,
lumabas muna ako. Hindi pa natapos magtawag si Sir pagbalik at ng ako na ang
matawag, pumikit na lamang upang di makita ang marka. Di ko nga alam kung
pasado ba o hindi at bahala na, basta ngayon ay hindi pa handang malaman ang
resulta.
7r-t. Matapos ay nagsimula na
ang pag-uulat at ng magsalita si Sir Barrion, inantok na lamang ako
bigla. Paano ako matututo nito kung parati na lang inaantok sa tuwing klase
ni Sir Barrion. Mabuti na lamang at nakakatuwang magkwento ang
iilang kamag-aral at sila ang nag-alis ng antok ko. Maya-maya pa'y dismissal
time na at gaya pa rin ng nakaraang araw ay di ako nananghalian at
nganga habang pinagmamasdang sarap na sarap na kumakain ang mga kasamahan.
Kapag may gusto ka sa buhay, titiisin ang lahat, makamit lamang iyon.
Pagkatapos ay tumungo kami ng Library at pinag-usapan muli ang
paggawa sa Thesis. Sa una'y nagugulahimanan ako sa mga ibig gawin
ng aming Leader na si Mary at muntikan ng
mauwi sa pagtatalo subalit naliwanagan naman ang isip kinalaunan at di akalain
na magkakaroon pa sila ng ideya sa sinabi ko.
7r-u. Napakaseryoso ng paksang napiling isusulat sa Thesis at
tingin ko'y mahihirapan kami subalit kung magtutulungan ay makakaya naman
marahil tapusin. Ayos lamang kung di gasinong maayos ang nilalaman ng thesis,
kundi kakayanin, ang kaso'y pinoproblema ang katarayan ng magiging panelista't
baka gisa-gisahin kaya matinding effort at partisipasyon ang
kailangan upang wala silang masabi. Matapos ang isang oras na pagpupulong,
lumakad na kami patungong silid. Sa Computer Science lecture,
tungkol pa rin sa Number system ang itinuturo ni Ma'am
Angie. May nakikita akong mali sa pagtuturo ni Ma'am kaya lakas loob na
umapila subalit ipinaggiitan pa rin na tama siya't pinalabas na gawa lamang na
ako'y nalilito.
7r-v. Maging mga kamag-aral ay nalilito na rin at mistulangpress-conference sa
dami ng nagtatanong. Ayaw kasi maniwala na mali na nga ang itinuturo niya't
pinagpipilitan pa rin, di na lamang nagsalita sa takot na mauwi sa pagtatalo. Kinalaunan,
natauhan din si Ma'am at inamin na nagkamali sa pagtuturo't humingi ng
paumanhin sa amin. Hindi sa lahat ng pagkakataon, tama ang guro dahil tao
lamang sila at nagkakamali, huwag matakot na makipaglaban kung nasa tama ka naman.
Maya-maya'y uwian na't sina Ate Venus muli ang nakasabay ko.
Nakakaaliw silang kasama't pampatanggal ng stress kahit kalam
na kalam na sikmura't pagod na. Pagdating ng bahay at dahil may pupuntahan si
ina, ako muli ang nagbantay sa tindahan. Sa muling pagkakataon, nagawa ko
muling mangulimbat habang nagtitinda. Alam na masama at mali pero iyon lamang
ang naiisipang paraan. Tuluyan ng lumagom ang dilim ng makauwi si ina't
naninibago sa kanya pagkat may bago na itong ngipin at pwede ng humarap sa tao
ng nakangiti kailanman. Matapos ibabad ang mata sa panonood ng paboritongdrama,
ako'y natulog na.
January
19, 2016
Tuesday
Year IV-019
Tuesday
Year IV-019
7r-w. Sumikat na ang
bukangliwayway ng magmulat ang mga mata ko't magpasyang bumangon. Namamayani
muli ang kasiglahan sa dibdib at nawa'y magtuloy-tuloy ito hanggang hapon ng sa
gano'y makayang gampanan ang lahat ng bagay na dapat tapusin. Matapos lamnan
ang sikmurang magdamag na walang laman, pamamalantsa muli ng uniporme ang
inatupag. Sa ilang buwan ko na itong ginagawa, tila natututo na nga ako't
bihasa na din. Matapos mamalantsa, inihanda ko na ang sarili para sa pagpasok.
Magkakaroon pala ng maikling pagsusulit sa Abnormal Psychology at
habang wala pa si Ma'am Joyce, sinamantala ang oras sa pagrerepaso. Laking tuwa muli
namin ng iurong ni Ma'am ang pagsusulit sa ibang araw at siya'y nagturo lamang.
Tungkol pa rin sa Communication Disorder ang itinuro niya at
sa pag-usad ng kanyang pagtuturo ay unti-unti ng nakikita ang posibilad na may
ganon akong kondisyon. Batid kong di mahusay sa pagsasalita't di nasasabi ng
tuwiran kung anuman ang nasa loob kaya masasabing mayroon akong Communication
Disorder.
7r-x. Isa pa sa dahilan ay madalas akong nauutal kapag naglalahad. Kahit sa
tingin ko'y may ganung kondisyon, di napanghihinaan ng loob at bumaba ang
tingin sa sarili. Hindi porket na ganito ako'y wala ng ibubuga't magaling at di
basehan kung normal ka o hindi ang pagiging maabilidad. Matapos ay dismissal
time na't sa halip na diretso sa pag-uwi, tumungo muna sa Computer
shop. Muntikan ng maliyo sa dami ng inasikaso subalit natapos din naman. Sa
pagod, diretso siyesta ako pagkaalpas ng tahanan. Malapit ng
sumapit ang gabi ng ako'y magising at diretso na sa paghahapunan. Pagkatapos ay
panonood ng telebisyon ang naging pampalipas oras ko. Matutulog na sana ako
subalit hindi sapagkat napakaalinsangan ng panahon. Bukas na nga ang bentilador
at tutok na tutok na sa akin subalit hindi pa mapawi ang init. Gumawa na lamang
ng paraan para antukin.
January
20, 2016
Wednesday
Year IV-020
Wednesday
Year IV-020
7r-y. Panibagong araw muli ng buhay na kakaharapin na di alam kung ano ang
mangyayari. Nawa'y tanggapin ng loob kung anumang bagay ang darating at
parating maging handa. Sa halip na sigla ang siyang sumalubong sa paggising ay
tila kinukutuban ng di maganda, hindi ko mabatid kung anong ibig nitong
ipahiwatig subalit gawa marahil ng kung ano-anong sumasagi sa isipan. Hindi na
ibig pang bigyan ng pakahulugan kaya ipinagsawalang bahala na lamang. Bago pa
man pumasok ay nanghina ako sa sinabi ni ina na ipapaputol na ang Cable,
sa kadahilanang lumalaki na raw ang bayarin. Tutol man ang kalooban sa naging
pasya ni ina, wala ng magagawa't kailangan silang unawain. Wala na tuloy
programang masusubaybayan at kukumpleto sa buhay tuwing gabi subalit ayos na
rin iyon upang magkaroon ng panahong pag-ukulan ang importanteng bagay.
Pagdating ng Unibersidad, laking gulat na lamang pagkat may pagsusulit pala
sa Logic. Kahit hindi nakapagrepaso, hindi naman ako gasinong
nahihirapan sa pagsagot subalit nalilito't sakit sa ulo ang mga tanong.
7r-z. Nang maiwasto, laking tuwa ng dibdib pagkat di akalaing makakatamo ng
mataas na marka. Dahil diyan kaya lalo pang ginaganahang mag-aral. Sa oras naman
ng Sikolohiyang Pilipino, may pangkatang pag-uulat pa rin.
Interesado sana ako sa tinatalakay ni Sir Barrion subalit
namayani muli ang antok ng magsalita ito sa di malamang dahilan. Pilit ko man
nilalabanan ang antok, subalit di na napigilan pang umidlip kahit na nasa
harapan si Sir. Wala talagang matutuhan kay Sir kung parating bumabalakid ang
antok. Kung inaantok kay Sir, di dapat sa gabi na lamang marinig ang boses
upang sa gano'y makatulog. Mabuti na lamang, nagising ako bago pa man ang
labasan. Pagkatapos, tumungo na kami ng Canteen at kumain.
Pakiramdam ko nitong mga nakalipas na araw na kasama sina Mary,
parang may sariling mundo na sila lamang ang nakakaalam at napatunayan iyon ng
may mapag-usapan silang bagay na wala akong kaalam-alam.
7s-a. Naghimutok ang dibdib sa kanilang ipinapakita't tila pinapamukhang
walang karapatang makisawsaw, di na lamang sumasabat pa. Sa inis, humiwalay
muna sa kanila matapos kumain at naisipang mapag-isa. Ilang buwan ko na silang
kasama subalit tingin ko'y ang layo-layo pa rin ng loob at di pa lubusang
tanggap bilang kaibigan. Di malaman kung tama ba itong nararamdaman. Ano bang
kulang o mali sa 'kin at ganoon na sila makitungo? Hinintay ko pang matapos ang
klase ni Ate Venus at maya-maya, labasan na nila't sa kanya
nakisabay patungong laboratory. Buti pa siya, kahit malayo na ang
agwat namin sa edad ay pinaparamdam na kaibigan ang tingin at magaan siyang
kasama. Sa oras ng Computer Science, nagkaroon kami ng Hand-out.
Halos mabuwang na sa dami ng Formula na isinusuksok sa isipan
at ang hirap mag-compute.
7s-b. Makalipas ang halos apat na oras, sa wakas at natapos din ang
aming computation at kalbaryo sa utak. Sa oras naman ng PE,
nagturo lamang si Ma'am Cariza hinggil sa Basketball.
Maya-maya pa'y nagpangkat-pangkat na kami't tinuruan ng ilang skills sa
paggamit ng bola. Madadali lamang ang mga skills kaya madaling
nakukuha't natututuhan, mukhang di mahihirapan sa paglalaro ng Basketball,
sana nga. Matapos ay naglaro na kami at kahit sumama ang loob sa kanila, nagawa
pa ring makihalubilo. Sa saya ng aming paglalaro't kakaaliw, natanggal ang
kaninang hinanakit sa loob at nakakagaanan na sila. Ilang sandali pa, uwian na.
Bahagyang nakaramdam ng lungkot ng ipabatid nila Gin Rhead na
lilipat na raw ng eskwelahan sa susunod na pasukan. Malungkot man ay wala
ng magagawa upang pigilan sila. Sa pagod, matapos kumain ay agaran ng
natulog.
January
21, 2016
Thursday
Year IV-021
Thursday
Year IV-021
7s-c. Nakakasilaw na ang sinag ng araw sa labas ng magising. Pagkatingin sa
orasan, Alas-siete na pala't kailangan ng magmadali upang di mahuli. Nahuli na
nga sa pagpasok at sa halip na pumasok na ng silid ay tumungo pa sa Cashier
area upang magbayad ng libro. Saktong naroroon sina Christine
Joy habang nagbabayad at dahil nababagot, naisipang makisabay sa
kanila. Sa library namin naisipang magpalipas ng oras at walang
ginawa kundi magtsikahan at minsan ay tawanan. Sa daldal kong ito at dami ng
ikinuwento sa kanila, di namalayan ang oras at kailangan ng umalis. Kung kailan
paalis na, doon ko natuklasan na nawawala pala ang Cellphone. Sa
labis na panghihinayang at pamomoblema'y di na alam ang gagawin at ang laki
kong inutil. Maya-maya'y biglang sumagi sa isipan na marahil ay naiwan sa Cashier
area at pumunta ako dun. Nagningning ang kaninang mukhang nakabusangot
ng isauli sa akin ng Cashier ang Cellphone at abot
langit ang pasasalamat. Magmula ngayon, di na magiging pabaya't mas lalo pang
magiging masinop.
7s-d. Saktong wala pang guro't iilang kamag-aral lamang ng datnan pagkaalpas
ng silid. Ilang sandali pa, pumasok na si Ma'am Joyce at
pangkat nina Mateo ang nakatoka ngayon para sa demoteaching.
Bago sila magsimula, nagdasal muna kami't ako ang naatasang magpanguna.
Pagkatapos ay nag-ulat na sila't sa suot pa lamang na napakadisente'y aakalaing
di estudyante ang propesyon kundi guro. Nang makapag-ulat, nagpangkat-pangkat
na kami para sa palaro. Magmukhang payaso sa pinaggagawa habang ginagawa kung
ano ang ipinapakitang aksyon ng kapangkat at di maiwasang matawa sa kaklase. Sa
huli, laking tuwa ng nasa dibdib pagkat pangkat namin ang hinirang na panalo.
7s-e. Sa oras naman ng Educational Psychology, mayroon pa ring
pangkatang pag-uulat at matapos ay nagsagawa muli ng panibagong pagsusulit para
saTheories of Personality. Hindi hamak na mas mahirap itong
sumunod na set kaysa sa nauna't halos mangamote na sa pagsagot,
bahala na kung anong magiging resulta at nawa'y makapasa. Nang maiwasto, isa
lamang sa amin ang nakapasa't lumagpak ng husto ang dibdib sa pagkadismaya.
Bago pa man umuwi, tumungo muna sa bilihan ng libro. Pagkabili'y bigla na
lamang nawala si Eloisa't di mahagilap saanman ito hanapin.
7s-f. Nagtungo na lamang sa labas ng Campus at inabangan
siya, nagbabakasakaling hindi pa ito nakakaalis subalit halos mag-iisang oras
na, di pa siya namamataan, umuwi na lamang ako. Pagkauwi, sinimulan ko ng
asikasuhin ang mga activity sa PE at iyon ang inatupag
hanggang sa kumagat ang dilim. Kumakalam na ang sikmura kaya itinigil muna at
naghapunan. Medyo tinamad na rin sa paghahanap at pagsagot kaya napiling manuod
na lamang ng telebisyon. Napipinto ng putulin ang linya ng aming cable kaya
hangga't mayroon pa'y nilulubos-lubos na. Matapos at gawa na di pa dinadapuan
ng antok, nakinig muna ng musika. Dakong Alas-dose na ng saka lamang nakatulog.
January
22, 2016
Friday
Year IV-022
Friday
Year IV-022
7s-g. Tirik na ng husto ang haring araw subalit lugmok pa rin ang mga mata sa
antok. Kahit pungas-pungas sa antok, nilabanan iyon at bumangon. Matapos
mag-almusal, sinimulan ko ng gawin ang Case study sa Abnormal
Psychology para sa Celebrity. Sa totoo lamang, di naging madali
ang humanap ng interviewna nagpapatunay na may iba sa kanilang
kinikilos pagkat kung iisipin, kapag artista'y walang makitang kapintasan sa
kanila o kung mayroon man, siyempre itinatago iyon at di ibinabalita para di
maapektuhan ang kanilang karera. Kinalaunan at laking tuwa ng makahanap
ng interview at di akalain na isa sa artistang kinagigiliwan
ng halos lahat ng manonood at nagkamit ng sangkaterbang parangal ay matagal na
palang may itinatagong sakit na kung tawagin ay Bipolar Disorder.
Sayang lamang sa kanya pagkat mahusay pa naman itong gumanap kahit sinong
tauhan ang itapat at kakabilib. Kaya pala madalas sa mga balita patungkol sa
kanya'y di umano nagsasalasing ito at nasasangkot din sa gulo.
7s-h. Minsan ay agresibo't barumbado kung kumilos, may ilan na ngang
artistang inireklamo siya dahil diyan at ugali rin niyang manghipo. Sumailalim
na rin ito sa rehabilitasyon upang tumino-tino ang kanyang ikinikilos. Samantalang ang
isang artista ay ugali naman nito ang pagiging mataray at maldita at kung
tutuusi'y marami siyang haters. Pinagpala ang kanyang hitsura't
pangangatawan at napapabilang din sa FHM Sexiest Woman pero
ang problema, magaspang ang ugali. Laking gulat ko pagkat ng mabasa'y obsessive
pala ito sa mga butterfly at ginagawa niya raw itong
mga pet. Karamihan sa kanyang mga kinikita'y nagagastos para sa
mga butterfly at umiiyak ito kapag namamatay raw sila.
7s-i. Bukod pa roon ay ayaw din niyang magpahawak sa mga tao sapagkat
pakiramdam nito'y madudumihan at napakaarte naman niya. Mabuti na lamang at
nalaman ko ang tunay niyang pag-uugali't isa pa naman siya sa artistang gusto
ko. Sa sobrang abala sa paggawa ng case study at pag-assest ng
mga artista, di namalayang tanghaling tapat na. Pagsapit ng hapon ng ipagpatuloy ang
paggawa ng Case study. Kahit buhay artista magmula pagkabata'y
naging masalimuot naman ang kanyang kinahantungan pagkat ito'y isang drug
addict na siyang tumapos sa kanyang karera.
7s-j. Hindi ko akalain na dati'y nagningning ang kanyang kasikatan at
sunod-sunod ang parangal na tinatamo, tapos sa isang iglap lamang, katulad na
siya ng mga taong gusgusin na palaboy-laboy sa lansangan, kaawa-awa ang kanyang
kalagayan at ibig itong tulungan. Pagsapit ng gabi at gawa na di pa inaantok,
naisipang manuod ng pelikulang pinamagatang Beauty and the Bestie.
Daming kakulitang ipinapakita si Vice Ganda't masyadong nagpa-pabebe kay Coco
Martin kaya kahit palalim na ang gabi'y di maiwasang humalakhak ng
malakas at grabe, bentang-benta ang palabas. Ang sumaya muli ang gabi ko dahil
sa Beauty and the Bestie, matapos ay inihimlay na ang sarili sa
kama.
January
23, 2016
Saturday
Year IV-023
Saturday
Year IV-023
7s-k. Hindi muli naging kagandahan ang salubong ng umaga pagkat umatake muli
ang sipon. Sa sama ng pakiramdam, mukhang magkakasakit muli na huwag naman
sanang mangyari. Bukod sa sinisipon ay dama rin ang malamig na panahon at
pahirapan sa akin ang bumangon ng karakaraka. Tinatamad man, maaga pa ring
bumangon at nakapag-almusal. Ng malamnan ang sikmura't kahit sinisipon ay
gawaing bahay muli ang inatupag ko. Di ko naman gasinong pinagod ang sarili sa
gawain sa takot na lumubha ang kondisyon. Parang bula namang napawi ang Sipon
bago pa man magtanghali't kasabay nito ang pagginhawa ng pakiramdam. Walang
magawa't hindi ko naman ibig ang lamunin ng pagkabato kaya naisipang
pagkaabalahan ang paggawa ng Case Study at Activity sa PE.
Maya-maya pa'y tumungo na ko ng Computer shop upang gumawa pa
ng iba pang activity at research. Kahit nakakapaso
na ang sinag ng araw at tagaktak na ng labis ang pawis ay di iyon inalintana,
makarating lamang sa patutunguhan. Kung kailan nasa Computer shop at
nakaupa na'y biglang humilab ang sikmura ko.
7s-l. Hindi pa naman matindi kaya nakaya pang tiisin o balewalain,
maipagpatuloy at matapos lamang ang ginagawa subalit habang tumatagal ay
pasidhi ito ng pasidhi.
Hindi ko na makaya pa ang sakit at mukhang lalabas na kaya napagpasyaha
ng mamaya na lamang tapusin ang ginagawa at umuwi. Malayo-layo na rin ang Computer
shop magmula sa tahanan kaya walang ginawa kundi tiisin at mapangiwi
sa labis na sakit. Tila lilipad ako sa gaan ng mailabas ang masamang laman at
ginhawa ang pumalit sa kaninang hirap na hirap. Hapon na't ibig kong
samantalahin ang mga oras upang tapusin ang dapat tapusin ang gawaing
pang-eskwela subalit matinding antok ang pumigil at tila bagang di kumpleto ang
araw ko kapag hindi nakapag-siyesta. Pagsapit naman ng gabi't matapos
maghapunan, pagbabasa ang inatupag ko.
7s-m. Kay lalalim ng mga bawat katagang aking binabaybay at karamihan ay
baguhan lamang sa paningin kaya hirap unawain, nagtanong na nga ako sa magulang
ko kung anong kahulugan ng salitang nabasa subalit maging sila'y nga-nga't
walang napala sa pagtatanong. Hirap mag-aral kung sadyang mapurol at di malawak
at malalim ang iyong kukote.
Kaya para sa akin, kailangan pa itong hasain ng hasain at paglinangin
upang sa gano'y tumalas-talas ay madaling maiimbak ang bagong impormasyong
nasasagap na siyang makakatulong sa aking paglalakbay bilang estudyante't
mamamayan. Kahit sumasakit na ang ulo't halatang nahihirapan na'y nagpatuloy pa
rin sa pagbabasa. Medyo tinamad na din magbasa kaya naisipan naman libangin ang
sarili sa panonood ng pelikula. Lumalalim na ang gabi at mugto na ang mata sa
antok kaya di na tinapos pa.
January
24, 2016
Sunday
Year IV-024
Sunday
Year IV-024
7s-n. Sa tindi ng namamayaning antok ay hirap idilat ng maigi ang mata,
tanghali na't gising na ang lahat sa kasamahan ko kaya di pa man ibig ay
bumangon na. Malabahaghari ang aking pakiramdam subalit kasalungat ng panahong
makulimlim at tila may pinagdadalamhatian. Pagkatapos mag-agahan, pagbabasa
muli ang inatupag ko at iyon ang naging pampalipas oras. Kahit paano'y may
impormasyong pumapasok sa isipan at may natutuhan subalit subalit sa tuwing
inuunawa ng husto'y sakit ng ulo ang abot. Walang ginawa kundi magsunog-kilay,
sa kagustuhang lumawak ang kaalaman na magagamit sa patutunguhan. Dakong
tanghali ng itinigil ang pagbabasa't nananghalian. Halos lumubo na ang sikmura
ng laki sa dami ng kinain at hindi na makakilos. Matakaw akong nilalang at
walang bukas kung kumain subalit nanatiling malatingting ang pangangatawan.
7s-o. Matapos kumain, ako'y nag-siyesta. Pagsapit ng hapon,
pamamalantsa ang siyang pinagkaabalahan. Sa dami'y halos maubusan ng lakas at
abutin ng kulang-kulang isang oras. Muling lalamnan ang sikmura para sa hapunan
kaya matapos, ako'y nagsaing. Medyo pumalya ako sa pagsasaing at mistulang
sinukat ang kanin kaya ang maanghang na salita'y muli kong natikman kila ina.
Lalawig at lalaki pa ang away kaya tinikom na lamang ang bibig sa halip na makipagsagutan
kahit di na matanggap ng loob ang sinasabi nila. Kung di lamang naging
pabara-bara, di sana mauuwi sa ganito. Takot ang nadarama sa dibdib pagkat
nagsisilakbo ang galit nila at anumang minuto'y maari kong maranasang ang
kalagim-lagim na latay subalit laking tuwa't di naganap at nakapagpigil.
Pagsapit naman ng gabi at gawa na nababato, nilibang ang sarili sa panonood ng
Telebisyon. Makabagbag damdamin
at nakakapanggigil ang natunghayang pelikula sapagkat walang awang pinaslang
ang mag-ina na walang kalaban-laban at karumaldumal pa. Tila demonyo ang gumawa
niyon sa kanila't napakahalang ng kaluluwa.
7s-p. Yung lalaki naman na galing ng ibang bansa, matinding hinagpis ang
inabot ng mabalitaan ang sinapit sa kanyang pamilya't halos takasan na ng bait
sa tindi pagsubok. Marahil kung sa akin mangyayari iyon, kayanin nawa ng loob
na tanggapin pagkat ito'y sadyang napakabigat at seryoso. May mga taong
nabubuhay na nuknukan ang kasamaan at walang konsensiya at awa, dapat sa
kanila'y hindi payagang lumasap ng karangyaan bagkus ay kaparusahang danasin
ang pagdurusa kailanman. Sa huli'y nanaig ang hustisya't nagbayad ang may sala.
Mapalad ang mga taong nagtamo ng hustisya sapagkat katahimikan ng loob ang
makakamtan. Tingin ko sa ngayon ay tila kay ilap ng makamit ang hustisya
sapagkat di na pantay-pantay ang pagtrato't nakakalusot ang may pera. Kawawa
ang mahihirap kung mayaman at makapangyarihan ang kalaban sapagkat
napakaimposibleng makamit ang minimithing hustisya. Sana sa susunod na uupo'y
bigyan niya ng pansin ang hustisya ng bawat nasasakupang naagrabyado ng sa
gano'y managot ang sinumang may sala, mayaman man o hindi.
January
25, 2016
Monday
Year IV-025
Monday
Year IV-025
7s-q. Napasarap ang tulog ko at pagkagising, malapit ng pumatak ang ikapito
ng umaga. Hindi ko ibig ang mahuli pagkat Lunes ngayon kaya may pagmamadali sa
pagkilos. Saktong nakapasok na si Sir Lanuncia pagkadako ko ng
Unibersidad. Magkakaroon pala muli kami ng Oral Recitation kaya
ang kaba ay muling namamayani sa dibdib. Kainis lamang at kung kailan di pa ko
nakasalang, ang sisiw ng katanungan. Sa dali'y kating-kati ng magtaas ng kamay
at sumagot subalit hindi maaari. Sayang at may nakasagot na na alam ng isip
subalit nanaig ang tuwa ng makasagot pa rin ako. Maya-maya'y nagturo si Sir at
hugot na hugot muli ang mga sinasabi niya kaya di maiwasang tumawa at mag-react.
Basta kay Sir Lanuncia, marami akong natututuhan na magagamit sa
buhay at upang mag-ingat ka din sa pagsasalita. Sa oras naman ng Sikolohiyang
Pilipino, wala kaming ibang inatupag kundi gumawa ng Dayagram at Konsepto
para sa Thesis. Ilang sandali pa'y ikinunsulta na namin kay Sir
Barrion ang pinaghirapang dayagram. Nadismaya kami sapagkat di ito
sumang-ayon sa aming ginawa't kailangan pang baguhin, back to zero tuloy
kami.
7s-r. Matapos ay pinag-usapan na namin kung anong konsepto ang maaring ilagay
na pwedeng umakma hinggil sa aming paksa at kailangan ay may katiyakan. Ang hirap mag-isip
at karamihan sa naiisip ay pangkalahatan kaya muntikan ng magtalo-talo. Laking
tuwa ko ng tanggapin nila ang naisip kong konsepto at kahit paano'y
nakakatulong na rin. Basta sa Thesis ni Sir Barrion,
dibdibing pag-iisip at paspasang paghahanda ang kakaharapin. Maya-maya pa'y
kami'y lumabas at nananghalian. Sa oras naman ng Computer Science at
bago magturo si Ma'am Angie ay nagsagawa muna kami ng evaluation para
sa lahat ng aming professor. Hindi naging madali sa akin ang
magbigay ng puntos sa bawat guro lalo na kung ubod ng bait at walang makitang
mali sa kanyang pagtuturo.
7s-s. Sa dami ng kailangang lapatan ng puntos at nahihinuhang kakapusin sa
oras kapag hinimay-himay pa, minani-mani ko na lamang. Matapos ay saka lamang
nagsimulang magturo si Ma'am at nagkaroon kami ng maikling pagsusulit.
Nag-uumapaw ang tuwa sa dibdib pagkat ako'y nakakuha ng mataas at nakakataba ng
puso. Hindi muna kami umuwi sapagkat kinailangan pang tapusin ang Thesis.
Kahit na di gasinong nakipagtulungan at puro lampungan lamang ang inatupag ay
natapos din naman namin ang ikaunang kabanata ng Thesis. Bago ipihit ang
yapak sa tahana'y tumungo muna sa Computer shopupang asikasuhin
naman ang Case Study.
7s-t. Sa dami ng dapat gawin at tapusin, kumagat na ang dilim subalit di ko
pa natatapos. Lumalaki na ang bayarin sa upa kaya napagpasyahang ituloy na
lamang sa ibang araw. Pagkadako ng tahanan, nalugmok ang mukha sa lungkot
pagkat tuluyan ng pinutol ang Cignal Cable subalit pumalit ang
pagkakaroon ng TV plus. Gayunpaman ay di pa rin nasiyahan at
nakukuntento sapagkat mas maraming pwedeng panoorin sa Cignal Cable,
sa TV plus ay masyadong limitado't puro lokal at luma ang
karagdagang palabas. Masyado pang maliwanag at sakit sa mata. Dala ng pagod,
matapos itutok ang mata sa bagong TV plus, agad ng natulog.
January
26, 2016
Tuesday
Year IV-026
Tuesday
Year IV-026
7s-u. Hindi inasahan ang napakalamig na panahon na bitbit ng Hanging
Amihankaya parahirapan sa akin ang magising ng maaga. Sa sarap muli ng
tulog at dala na mamayang tanghali pa ang klase, Alas-siete na ng
mapagpasyahang bumangon at animo'y lilipad ako sa gaan ng kalooban at sigla-sigla
pa. Walang magawa at upang di lamuninng pagkabato'y naisipang magbantay sa
tindahan. Hindi man ibig ng kalooban sapagkat ito'y masama, alang-alang sa
ikalalago ng ipon ay nagawa ko muling nangulimbatng pera, sa kadahilanang
malinis ang konsensiya kahit nangungulimbat ay tanging barya lamang ang kayang
umitin. Patawaran nawa ako ng maykapal kung ginagawa ito. Maya-maya pa'y
inihanda na ang sarili para sa muling pagpasok.Dakong Alas-onse na ng
makarating sa Our Lady of Fatima University. Maaga pa naman at dahil
magkakaroon pala ng maikling pagsusulit sa Abnormal Psychology,
sinamantala ang oras na ito sa pagrerepaso.
7s-v. Sarap nga naman mag-aral kapag mahangin ang panahon at tahimik,
makakapag-isip ng maayos at madaling maipapasok sa isipan ang impormasyong
kailangan mo. Ilang sandali pa, pumasok na ko ng silid. Wala pa si Ma'am
Joyce kaya ipinagpatuloy ang dibdibang pagrerepaso. Kapag maingay
naman ang nakapaligid sayo't magulo pa, hirap mag-aral at nakakasira ng
konsentrasyon. Sa pagpasok ni Ma'am Joyce ang pamamayani ng
kaba sa kanya-kanyang mga dibdib at todo welga kami subalit tuloy pa rin ang
pagsusulit. Halos mangamote ako sa hirap ng pagsusulit, ang nakakainis pa'y
nakaligtaan ng isipan ang inaral, napapakamot na lamang ng ulo. Nang maiwasto,
labis ang aking pagkadismaya't halos dapuan na ng depresyon sapagkat napakababa
ng nakuhang marka, sayang at di man lamang nakapasa. Ginawa ko naman ang lahat
subalit bakit di pa rin naging maganda ang resulta. Isip ako ng isip na babawi,
di naman ng nangyayari't marahil ay kailangan ko ng tanggapin na talunan ako't
walang maibubuga!
7s-w. Parusa na marahil ito ng maykapal dahil sa mga kasalanan kaya ito
nararanasan at kung parusa man ito, malugod kong itong tatanggapin kung
mababawasan naman ang kasalanan.
Umuwi akong di maipinta ang mukha't lusak na lusak sa lungkot, itinulog
ko na lamang. Pagkagising, doon ko napagtanto na may pagkakataon na matatalo ka
at masasawi at kapag nangyari iyon, huwag sumuko't magpatuloy lamang. Ang
pagkatalo'y di nangangahulugang di ka magaling at gamitin ang pagkatalo bilang
inspirasyon upang magpursigi pa lalo, di iyong para panghinaan ng loob.
Naliwanagan ako ng maisip iyon at di dapat umaayaw bagkus ay lumalaban at
nakikibaka tungo magandang kinabukasan at tagumpay. Sa halip na libangin ang
sarili sa paglalaro ng gadget, pag-aaral ang inatupag ko. Sa sobrang abala ko,
di namalayan ang oras at dumidilim na pala, kinailangan ko ng lamnan ang
sikmura. Matapos manuod ng telebisyon, kaagad ng natulog.
January
27, 2016
Wednesday
Year IV-027
Wednesday
Year IV-027
7s-x. Malakas na boses nila Mama ang tumibag sa nahihimbing kong pagtulog at
sa aking nauulinig ay pamilyar ang boses na kahuntahan ni ina. Gumawi pala si Ate
Wenang at ito'y may kasamang babaeng baguhan lamang sa aking paningin,
nakipagkamustahan sa kanila.Sa kanilang pag-uusap Muling makakarinig ng
dayalektong Ilocano at di maunawaan ang mga turan nila.
Matapos mag-agahan, kaagad ng nagbihis at tumungo sa Eskwela. Sa haba't bagal
ng biyahe, dakong ikawalo na ng makarating sa eskwela. Sa oras ng Logic,
nagkaroon muli kami ng oral recitation. May kakaiba sa recitation namin
sapagkat sa halip na kuhain na sa libro, tungkol sa personal na buhay at
bagay-bagay ang mga katanungan ni Sir Lanuncia at animo'y
nasa Q and A portion kami ng beauty contest. Nang ako
na'y labis ang gulat sa dibdib biglang tumulin ang tibok ng puso ng tanungin
kung naranasan na raw bang umibig. Medyo awkward lamang ang tanong
sa akin ni Sir at simple lamang, di kaagad makasagot. Mabuti na lamang at
nalusutan ko ang mga katunungan ni Sir at kinaya. Hindi pa nagtatapos ang lahat
ng tanungin naman niya kung nagkaroon na ba ako ng Crush sa
kaibigan.
7s-y. Nauumay ako sa mga katanungan ni Sir, baka bumigay ako't madulas kapag
kinilig ng husto kaya naghabi-habi na lamang ng istorya. Grabe si Sir at
masyado itong masiyasat sa buhay pag-ibig ko. Saka lamang lumuwag ang paghinga
matapos tanungin. Sa oras naman ng Sikolohiyang Pilipino,
pinag-usapan lamang ang tungkol sa paggawa ng napakaseryoso't stressful na thesis.
Kapanghinayang lamang, dugo't pawis na ang ibinuhos, magawan lamang ng maayos
ang dayagram tapos iri-reject lang. Palagay ko, perfectionist si
Sir pagdating sa thesis at wala siyang pakialam kung
nahihirapan kami basta walang makitang mintis. Nakapagklase naman siya matapos
ang pag-uusap tungkol sa Thesis.
7s-z. Maya-maya pa'y lumabas na kami't tumungo sa Canteen. Sa
kagustuhang lumago pa lalo ang ipon at gawa na naghihigpit ng sinturon, di na
nagawa pang kumain. Kahit kumakaalam na ang sikmura't tuksong-tukso na'y nagawa
pa rin tiisin. Nang nasa Library na kami, bigla ko na lamang
naranasan ang paghilab ng tiyan at patindi ng patindi habang tumatagal. Hindi ko na ibig
pang tumungo sa Clinic kaya todo tanggi samungkahi nila pero
sa sobrang sakit na tipong mangiwi-ngiwi na, di ko na magawa pang tumutol.
Laking pagsisisi ko't ginutom ng labis ang sarili, ang resulta'y halos ikamatay
na ang sakit ng tiyan. Nang bahagyang nabawasan, napagpasyahan ko ng pumasok
sa Computer laboratory.
7t-a. Saktong nagsimula na sila sa ginagawa pagkaalpas ko't kahitnakakaranas
pa rin ng pananakit, nagpatuloy pa rin sa pagkokompyut ng datos. Sa sakit
talaga ng Tiyan ko, hindi na nakadalo pa sa aming PE class at
napagpasyahang sumabay kina Ate Venus sa pag-uwi. Kung kailan
nasa tahananna, doon na lubusang nawala ang sakit at naglabasan ang masamang
hangin. Hindi ko na sinabi pa kila ina ang nangyari sa akin sa takot na bawasan
ang allowance ko't sermunan. Kinagabihan at gawa na di pa
makatulog, naisipang makinig ng musika. Damang-dama ang kilig kapag tungkol sa
pag-ibig ang laman ng awitin at napakaromantiko. Lalo tuloy sumisidhi ang
pagtatangi sa kanya dahil sa awitin. Ang awitin ang nagbigay sarap sa pagtulog
ko.
January
28, 2016
Thursday
Year IV-028
Thursday
Year IV-028
7t-b. Napawi na ang aking antok at maingay na kaya kahit Alas-sais pa lamang,
bumangon na ko't nag-almusal. Medyo sasamain muli pagkat tinamaan muli ng Sipon
at pigil din ang akin paghinga, lumanghap muna ng inhaler bago
pumasok. Nanumbalik naman sa dating luwang ang paghinga't parang bulang napawi
ang Sipon pagkarating ng Eskwela. Wala pang guro't mangilan-ngilang kamag-aral
pa lamang ang naroroon ng datnan. Habang hinihintay ang pagdating ng guro,
walang ginawa kundi samantalahin ang oras sa pakikipagkwentuhan. Ilang sandali
pa ng pumasok si Ma'am Anna Marie at nagsimula na ang
pangkatang pag-uulat. Matapos ay nagkaroon kami ng maikling pagsusulit. Di ko
na matandaan ang mga tinuro nila't kahulugan ng bawat termino kaya labis ang
pangangamote. Bago pa man umalis si Ma'am at kahit sa tingin ay mag-uumapaw ito
sa galit sa dami ng araw na ako'y lumiban, kinausap pa rin ito. Di naman
naganap ang aking pinangangambahan at agarang pinagbigyan sa aking kahilingan.
Sa oras ng Education 5, nagkaroon muli ng Demo Teaching at
Pangkat nina Gin Rhead ang mag-uulat.
7t-c. Bago sila magsimula sa pag-uulat, nagkaroon kami ng palaro. Nakakataas
ng tensyon ang kanilang palaro kaya di maiwasang magkagulo, sa huli ay laking
tuwa ko pagkat kaming tatlo ang nanalo't exempted sa Quiz. May
kasunod pa silang palaro't kami'y nagpangkat-pangkat. Brainstorming ang
kailangan at panlaban kaya nahirapang sumagot sa kanilang tanong. Mabuti na lang at
matatalas ang utak ng kapangkat at sa huli, laking tuwa muli pagkat pangkat
namin ang nanalo. Mukhang pinapalad ako ngayong araw at salamat sa Maykapal.
Pagkatapos ay nag-ulat na sila. Bago pa man umalis si Ma'am Joyce,
nagbigay muna ito ng komento sa mga nag-uulat. Habang nagsasalita si Ma'am ay
unti-unti kong natututuhan kung paano maging mahusay na guro't lahat ng
kanyang Strategy ay inilahad sa amin. Para sa akin, sa lahat
ng naging Professor nitong College, si Ma'am
Joyce (Geronimo) na ang pinakamahusay at masayang magturo.
7t-d. Matapos ay lumabas muna kami upang kumain. Hindi kumakalam ang
sikmura't mukhang di naman ito sasakit kaya di na nakisalo sa kanila. Saktong
naroroon na si Sir Barrion pagkabalik ng silid at nagturo.
Maya-maya pa, nagkaroon kami ng pagsusulit at todo pakiusap sa kanya na isagawa
na lamang sa Sabado subalit natuloy pa rin. Hindi naman naging malupit sa amin
si Sir Barrion at pinagpangkat-pangkat niya kami. Matapos ay
nagsimula na ang pagsusulit at tungkol sa Mental Hygiene ang
nilalaman. Napagdaanan ko na ang asignaturang iyon subalit limot na ng isipan
ang mga lesson. Mabuti na lamang at kagrupo si Karl
Ferdinand kaya nakakasagot kami at ng maiwasto, maraming pangkat ang
nakapasa at isa na kami roon.
7t-e. Sana sa tuwing magbibigay ng pagsusulit si Sir ay parating pangkatanng
sa gano'y makayang makapasa. Uuwi na sana kami ni Eloisa ng
biglang mag-inarte si Gin Rhead, todo pagpapayo ang ginawa
naminpara makatulong namakapagpasya siya subalit tila teyngang kawali't kita sa
mukha ang pagkabalisa. Mukhang di na mukukuha sa masinsinang payo kaya umalis
na lamang kami. Di naman maatim ng dibdib na iwanan siya kung namomoblema kaya
binalikan namin siya, iyon nga lamang ay bigla itong lumayo habang nag-uusap,
marahil ay may nasabi akong ikinasama ng loob niya't di mawari kung ano. Sa
totoo lamang, hirap niyang kasama kapag sinumpong at gusto palagi'y nakabase sa
iba ang plano niya. Sa labis na hapo, diretso Siyesta ako
pagdating ng tahanan. Malapit ng maghari ang dilim ng magising. Kinagabihan at
dahil sa Sabado na ko mag-uulat, walang ginawa kundi mag-aral at paghandaan ang
sasabihin. Malapit ng pumatak ang Alas-dose ng maisipang matulog.
January
29, 2016
Friday
Year IV-029
Friday
Year IV-029
7t-f. Hindi pa man lubusang nagpapakita ang araw at Alas-singko pa lamang ay
gising na ko't bumangon. Kay gaan at sigla muli ng nasa loob at tila
nanunuluyan ako sa malamig at dalisay na alapaap. Matapos mag-almusal,
pagsusunog kilay muli ang inatupag ko. Pilit inuunawa ng isip ang bawat
talatangbinabasa, sakit lamang ng ulo ang kinahihinatnan sa halip na may
pumasok at matutuhan. Kahit sumasakit na ang bungo sa kakaintindi, hindi naman
nito napigil ang pagbabasa ko.Sana hindi mapunta sa wala ang pinaghirapan at
pinagpaguran ko, bagkus ay magdulot ito ng kalubagan ng loob. Ilang sandali
pa't pagsapit ng Alas-onse ay nagbihis na ko't pumasok. Tungkol sa Multiple
Disorder ang naging aralin namin ngayon. Hirap kilalanin ang mga taong
may ganong uri ng sakit at di masabi kung alin ba sa personalidad na
ipinapakita ang tunay na pagkatao nila. Bukod pa roon ay matinding trauma ang
dahilan ng pagkakaroon ng Multiple Disorder at napakasaklap ng
pinagdaraanan nila.
7t-g. Sumunod na itinuro ni Ma'am Joyce (Lardizabal) ang Eating
Disorder, muntikan ng maduwal sa pandidiri habang inilalahad ni Ma'am ang
dokumento ng mga taong namumuhay sa ganon uri ng sakit at di ko ma-imagine.
Nagsimulang umingay ang klase ng ituro iyon ni Ma'am at di mapigilang mag-react kapag
may nagtatanong o nagkukwento. Habang itinuturo ni Ma'am ang Eating
Disorder ay laking gulat ng mapagpatanto na kabilangpala ako sa may Pica
Disorder sapagkat naalala ko nung bata pa, madalas kutkutin ang
kinayurang yelo sa Freezer at minsan ay inihahalo ko sa inumin
tulad ng Juice at Milo bilang pampalamig. Di
akalain na may Pagophagia na ako subalit di naman
ikinababahala iyon sapagkat di na madalas gawin na kumain ng yelo at di naman
nakakadiri. Sa mga ikinukwento ni Ma'am, tila mawawalan na ng gana sa pagkain.
7t-h. Dami ko talagang nalalamang kakaiba't di pangkaraniwan na mahirap paniwalaan
sa Abnormal Psychology.
Bago pa man umuwi, tumungo muna sa Computer shop upang
gumawa ngreport. Sa dami ng aking ginawa at inayos na tipong naliliyo na
sa pagod, dakong Alas-singko na ngmakauwi. Kinagabihan ay pagsusunog-kilay muli
ang pinagkaabalahan ko, matapos magsunog-kilay, nanood naman ako ng telebisyon.
Habang nanunuod ng Pangako sa'yo ay magkahalong awa't gigil
ang naramdaman ko ng makita ang sinapit ni Lia sa kamay ng mga
kaeskwela o kaklase at pinagtulungan itong pagkatuwaan.Sa mukha pa lamang na
punong-puno ng pasa at pambababoy, labis siyang nabiktima ng Bullying.
Sa aking natunghayan ay biglang sumagi sa isipan ang sandaling ako'y
nakakaranas ng bullying, samu't saring pangdudusta ang
natanggap ko subalit di naman ganong kagrabe gaya ng sinapit ni Lia.
7t-i. Dapat sa mga estudyanteng mahilig manakit ng kapwa o manggipit, makuha
lamang ang gusto ay pinapatalsik o tinuturuan ng leksyon ng magtanda at di na
umulit pa. Nagsilbing aral sa akin ang nangyari kay Lia at
huwag basta-basta magtitiwala kahit kaibigan mo pa at umiwas na lamang sa
kanila ng di masangkot sa gulo.
Matutulog na sana ako ng biglangmarinig ang sigawan mula sa labas. May
nag-aaway nanaman pala't dinaig pa ang siling labuyo sa anghang ng mga
binibitawang salita sa isa't isa at talagang walang pasubali kung makasigaw.
Maya-maya pa'y nakarinig na ko ng mga kalabog at tila magigiba na ang buong
bahay sa tindi ng alitan.Sa totoo lamang ay halos lahat sa kapit-bahay ay
nabulabog dahil sa pag-aaway nila. Kawawa naman ang mga bata sapagkat parating
nagpapalitan ng lakas ang kanilang magulang, di ako magtataka kung balang araw
na lumaki na sila'y magiging dilikwente. Saka lamang nakatulog ng humupa ang
kanilang bangayan.
January
30, 2016
Saturday
Year IV-030
Saturday
Year IV-030
7t-j. Pagpatak pa lamang ng Alas-singko ng ako'y magising at napagpasyahan na
ring bumangon. Magkahalong kaba at pananabik ang nadarama sa dibdib sa
napipinto ng aking pag-uulat. Wala pang guro ng makarating sa eskwela at
sinamantala ang nalalabing oras sa pagrerepaso. Ilang sandali pa ng pumasok
si Ma'am Anna Marie at nagsimula na ang pangkatang pag-uulat.
Nakakabato lamang pagkat maraming wala sa klase, tapos mahina pa ang boses ng
mga nag-uulat at tila walang pumapasok sa isip. Matapos nilang mag-ulat ay nagkaroon
kami ng pagsusulit. Wala talagang impormasyong pumasok sa kanilang pag-uulat
kaya nanghula-hula na lamang. Sa oras naman ng Education 5, pangkat
naman nila Mary ang nakatoka ngayon para sa Demo
Teaching at bago sila magsimulang magturo, nagpalaro muna sila. Naging
mahirap ang naunang palaro at talas at liksi ng pag-iisip ang kailangan subalit
nakakaaliw naman, kaso maiwasang magkagulo't mataranta dahil may time
limitang panghuhula ng mga ipinapakita nilang object.
7t-k. Sa huli ay ang katunggaling grupo ang nagwagi subalit di nawalan ng
pag-asa sapagkat may inilatag pa silang palaro. Sa sumunod na palaro, doon na
nagsimulang umapaw ang kaingayan sa buong silid pagkat puro sigawan at
nakakarindi. Masaya naman ang palaro nila subalit magulo't kulang sa pagbibigay
ng tagubilin. Sa huli ay laking
tuwa pangkat naman namin ang nagwagi. Matapos ay nag-ulat na sila at bago pa
man umalis si Ma'am Joyce (Geronimo), nagbigay muna siya ng
komento, sa muling pagkakataon ay nadagdagan muli ang kaalaman at sana siya na
lamang naging professor sa lahat ng Psychology subject ko
pagkat epektibo ang pamamaraan niya para matuto ang estudyante. Ang kaba sa
dibdib ay lalo pang sumidhi sapagkat nalalapit na talaga ang pag-uulat at tuloy
na tuloy subalit bago pa man kami magsimulang mag-ulat, nagkaroon muna ng
maikling pagsusulit. Pagkatapos ay humarap na ko sa maraming kamag-aral at
parang bibitayin sa tindi ng kaba subalit nilakasan ang loob. Nainis lamang ako
ng kaunti kay Sir Barrion pagkat pinababayaan niyang magdaldalan
ang mga kamag-aralat sa halip na ibaling ang atensyon sa akin, mas
pinakikinggan pa niya ang mga sinasabi ng katabi niya.
7t-l. Di man lamang sinisita o abisuhang ipagpaliban muna ang sasabihin. Di
talaga professor kung umasta si Sir at masyado pang Touchy sa
mga girls. Tila lilipad muli ako pagkat gumaan at lumuwag ang
dibdib matapos mag-ulat at nakaraos din. Sa halip na umuwi ay tumungo muna
sa Caloocan upang katagpuin si Ate Venus. Isang oras na ang
nakakaraan subalit di pa siya dumarating, mabuti na lamang at may mapapanood
kaya di naman naiinip. Grabe ang libang ako sa panonood ng Kalyeserye ng Eat
bulaga at mas gusto pang panoorin ang kwento nila Tidora at Anselmo kaysa
sa kina Aldub at ang sining kanilang pananalita. Bukod pa roon
ay makabagbag-damdamin ang naging eksena pagkat pinaghiwalay sila ng nanay
ni Tidora at pinagbubugbug naman si Anselmo, kay saklap naman ng buhay pag-ibig ni Tidora at
iyon ang dahilan kung bakit tumigas ang puso't pinagbabawalan si Yaya
dub na makipagkita kay Alden.
7t-m. Pagkatapos atmukhang malabo ng dumating si Ate Venus. Hindi
pa ibig umuwi kaya tumungo ako sa bahay nina Annie doon
sa Tandang Sora. Pagkatungo'y saktong nadatnan ko na naroroon ang
may-ari ng bahay na si Atty Bautista, nakipagbatian muna sa kanya bago
pumasok subalit di pinapansin at na-intimidate sa kanya. Si Gelyn lamang
ang nadatnan ko't nasa taas daw ang Annie kaya nagpasama
kay Gelyn sa pag-akyat. Habang kakwentuhan ang Annie ay
biglang pumasok si Atty Bautista at ako'y kanyang sinita at pinagbawalang
umakyat. Ikinagulat ko angkanyang ipinakita't di akalaing ganon siya makitungo
sa bisita. Iyon pala'y di niya raw pinapayagang umakyat ang lalaki kung di
kilala sa dahilang iniisip na baka may gawing hindi maganda sa kasamahan niyang
babae ang mga ito at overprotective amang daw.
7t-n. Bukod pa roon ay allergic din ito sa mga lalaki maliban na
lamang kung bakla. Inalam ko ang dahilan, kaso ay di naman ako masagot-sagot.
Marahil at kung nahalata lamang niyang binabae ako, magiging ayos lang sa kanya
ang umakyat-baba ako. Nagpatuloy kami ni Gelyn sa
pagkukwentuhan at ilang sandali pa'y bumaba na si Annie. Nanatili
ako sa kanila hanggang sa sumapit ang gabi't sinamahan pa si Annie sa National
Bookstore upang mamili. Sobrang nawili kami sa pagtitingin-tingin at
pagbabasa ng mga libro kaya di namalayan ang oras at Alas-otso na pala. Sa
kanila na rin ako naghapunan, lumalalim na ang gabi't pagkatapos ay nagpasya ng
umuwi.Sa nilayo-layo ng binayahe'y lugmok na ang mata sa antok kaya diretso ako
sa pagtulog pagkauwi.
January
31, 2016
Sunday
Year IV-031
Sunday
Year IV-031
7t-o. Huling hirit na para sa buwan ng Enero. Sa labis na sarap ng aking
pagtulog, inabot na ng pagputok ng liwanag sa paggising. Ibig pa man humilata
ng tagal at husay, kaso marami pang dapat asikasuhin at masasayang ang oras
kaya di na nagpatumpik-tumpik sa pagbangon. Hindi naman kumakalam ang Sikmura
kaya di na nag-agahan pa't diretso na sa gawaing bahay. Matapos asikasuhin ang
mga gawain sa bahay, tumungo naman sa Barbershop upang
magpagupit. Sa ilang taon ko ng nagpapagupit kay Mang Usman simula
pagkabata, napapansing may nag-iba sa kanyang pananalita. Hindigaya ng dati
kapag kausap siya,nakakalibang at matino subalit ngayon ay ang lilibog ng mga
sinasabi't ang ilan doon, bago lamang sa pandinig. Sa dami ng
pwedengmapag-usapan, tungkol pa doon at sa kanyang mga sinasabi'y tila marami
ng alam at naranasan na ng paulit-ulit.
7t-p. Marahil ay nag-iinitlamang ang katawan kaya nababanggit iyon. Hindi ko
na ibig ang mapag-usapan iyon pagkat natututo ako kaya gumawa ng paraan para
maiba ang usapan. Nakakarumi siyang kausap kaya ito na ang huling beses na
magpapagupit ako, napakalibog at ako pa ang ginawang pampalipas. Kung kailan
tapos ng magpagupit ay saka naman tinamaan ng Sipon at malas ko sapagkat di
nakapagdala ng panyo, walang ginawa kundi pigilang tumulo upang di malagay sa
kahihiyan. Sa halip na ipihit ang yapak sa tahanan, tumungo pa sa Computer
shop. Sumama muli ang timpla ko kaya kaagad nagpahinga pagdating ng bahay.
Bumalik naman dating ayos at ginhawa pagkagising at ako'y namalantsa. Matapos
mamalantsa at gawa na nababagot at walang makahuntahan, naisipan kong
maglakwatsa. Sa bahay nina Angelica naisipangtumungo
subalit sayang at tulog ito sabi ni Ate Leleng.
7t-q. Kina Cathy naman ako nagtungo subalit nasa Camping daw
sabi ni Ate Ging. Kung kailan may panahong makagawi ay saka naman sila
di maaari't mukhang hinahadlangan ng kapalaran ang pagkakataong
makipagtalastasan at kamustahan sa mga kaibigan. Nanatili muna ako kina Ate
Ging subalit di na nagtagal pa at kaagad na umalis. Pagkagat ng gabi
at dahil maaga pang magigising bukas, kaagad ng inihimlay ang sarili matapos
ibabad ang mata sa Telebisyon. Hindi naman ako makatulog sapagkat panay ang
pag-uusap ni Mama at Ate Wenang na tila wala ng bukas at di
nauubusan ng sasabihin, hindi naman nauunawaan pagkat Ilocano ang
gamit nilang wika. Kung abutin marahil ng isang buwan na naririti sina Ate
Wenang at nakakarinig ng Ilocano, malamang ay matututo ako
at magiging bihasa. Saka naghari ang kapayapaan sa kapaligiran ng humupa ang
kanilang palitan ng kuro-kuro't nakatulog ng lubusan.