Lunes, Nobyembre 30, 2015

35. November 2015 Journal (Day 1035-1064)

November 01, 2015
Sunday
(All Saints day)
Year III-305

7g-f. Ito ang araw upang gunitain ang mga namayapa na subalit patuloy pa ring nakatanim sa isipan ang kanilang ala-ala sa kabila na di na umiiral sa Mundong ito. Sadyang napakaikli ng buhay na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal sapagkat anumang oras ay maaari niyang bawiin at di panghabang-buhay na nasa iyo iyon. Hangga't nabubuhay ay huwag iyon sayangin sa mga walang kabuluhang bagay, bagkus ay ilaan ito sa mabuting gawain na makakatulong sa lahat. Matuto ring pagsisihan ang mga kasalanan dahil di natin alam, ito na pala ang katapusan ng 'yong buhay at kung mangyari man iyon ay huli na ang lahat at wala ng magagawa pagkat sa impyerno na ang bagsak. Batid kong makasalanang nilalang na habang nabubuhay subalit batid ng isip na mapagpatawad ang maykapal at di niya iyon ipagkakait sa akin sa oras na humingi ng tawad.

7g-g. Patawarin niya nawa kami sa lahat ng mga kasalanan at pagpalain ng siksik, liglig at umaapaw. Sa sarap ng tulog, laganap na ang liwanag sa labas ng magising. Pagkabango'y pagbabantay muli sa tindahan ang siya kong inatupag. Tila nakikiramay ang panahon sa mga magsisipagdalaw sa Sementeryo sapagkat makulimlim at tila nagdadalamhati ang kalangitan. Maya-maya pa, tumungo ako kina Ellen Joyce upang ayain sila. Habang inilalahad nito ang naging karanasan ng panahong nasa Horror house ay inggit agad ang umiral sa dibdib pagkat masaya sa halip na matakot, dapat pala'y sumama ako sa kanila kagabi. Sumunod ay kina Angelica ako tumungo subalit saglit lamang ako roon. Pagsapit ng tanghali, panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Hindi na mahulugang karayom ang dagsa ng mga sa tao sa mga sementeryo't animoy siksikan na.

7g-h. Kinahapunan ng gumawi naman ako kina Annie. Pakiramdam ko, kapag si Annie ang kaharap at kausap, lumalakas ang loob at lahat ng ibig sabihin ay naikukwento ko sa kanya. Sayang nga lang at uuwi na ito bukas, di nanaman kami magkikita. Sa pagkagat ng dilim ang pagsisimula ng pagtitirik ng kandila sa mga bahay-bahay, naglipana na rin ang mga batang nakasuot ng pampatay at maskara sa mukha at wala na ring humpay ang katatakutan. Aayain ko sana sina Annie at Ate Bing sa Horror House, kaso mga pawang abala ang mga ito at di raw papayagan, kami na lamang nila Dodoy ang tumungo haunted house. Kahit di kapiling si Annie ay masaya pa rin naman pagkat marami kami.

7g-i. Pagkatungo naming walo sa Garland, di pa nga lumalalim ang gabi'y mahaba na agad ang pila papasok doon. Karamihan ay mga kabataan at anong ingay na tipong nagkakagulo na. Makalipas ang ilang saglit ng makapasok kami sa Horror Village. Sa dilim ay di kami halos magkakitaan habang binabagtas ang daan at bigla na lamang sasambulat sa'yo ang mga mananakot at manggugulat kaya di maiwasang sumigaw at humalakhak. Sa aking pakiwari'y walang thrill ang dating at kung ikukumpara'y mas dama ang takot sa Consti subalit masaya pa rin naman at nakakaaliw. Sa kakasigaw, muntikan ng mawarak ang lalamunan. Dakong Alas-nuebe na ng makarating sa bahay at ang mapupusok na sermong aking inaasahan ay di naman nangyari. May tuwa sa dibdib akong natulog at sana parating ganito ang buhay.


61 | 54 Limampu't apat na araw na lamang bago sumapit ang Pasko, lapit na!


November 02, 2015
Monday

(All Souls day) 
Year III-306

7g-j. Katapos lang ipagdiwang ang Undas subalit kasunod nito ang paghahanda naman para sa nalalapit na Pasko at Bagong taon, hindi ko na tuloy maiwasang masabik at iniisip na kung ano ang balak kahit sa susunod na buwan pa. Maliwanag na sa labas ng ako'y bumangon at kaagad na nag-agahan. Pagkaagahan ay daglian na kong tumungo sa eskwela upang mag-enroll at kuhain na rin ang grade. Kay tulin ng panahon, parang kailan lamang ng magsimula ang First semester, tapos ay kakaharapin na ang Second semesterng may kasiglahan sa dibdib. Pagkadako sa eskwela, kay linis tingnan at tahimik pagkat walang gasinong estudyanteng pakalat-kalat, mistulan tuloyGhost town ang buong Campus. Iniisip ko na baka wala pang pasok ang mga empleyado subalit nagpatuloy pa rin sa pagkilos. Pagkatungo sa Enrollment area ay laking gulat pagkat si Ma'am Ria ang namamahala, kaagad akong nag-enroll.  

7g-k. Sa sobrang pagka-miss sa kanila'y balak ko sanang bumalik ng Dash 1, kaso wala na raw slot maging sa Dash 2 kaya piniling sa Dash 3 na mag-enroll,another adjustment nanaman ang gagawain at goodluck sa mga magiging bagong kamag-aral, nawa'y maging mabait sila sa akin. Ang pangit nga lang ngSchedule sa General Botany pagkat gabing-gabi na uuwi. Pagkakuha naman ng grade, kahit may kababaan ang ilang asignatura, masaya pa rin at kuntento na, ang mahalaga'y walang bagsak at regular student pa rin ako. Manaka-naka lamang ang pagdating ng mga magsisipag-enroll kaya kaagad akong nakauwi. Kaarawan pala ngayon ng kapatid kong si Kuya Al kaya naghanda si Mama ng manok, kahit may kasarapan kung di naman nagugutom di muna lumantak at naisipang magtungo sa Computer shop. 

7g-l. Anong bagal ng kanilang internet at nakakaubos ng pasensiya. Kahit may kabagalan, nanatili pa rin ako, umaasang bibilis ito subalit walang pagbabagong naganap, umayaw na ko. Saka lamang nananghalian pagdating ng yapak sa tahanan. Pagsapit ng hapon, ang ginawang Buko Salad at Pancit ang ipinangmeryenda't sa sarap, naparami ng husto ang kain ko. Ibig ko sanang lumabas at gumawi sa bahay ng kaibigan, kaso walang katuwang ang ilaw ng tahanan sa mga gawain at iniisip ko ang kapakanan niya, kating-kati na ang paa subalit pinigilan ko't nanatili na lamang sa loob ng bahay. Labis na nabusog ang sikmura ko kaya di na nakapaghapunan pa. Pagsapit ng gabi at bago matulog, panonood muli ng pelikula ang inatupag ko. Kahit sino ka pa sa mundong ito, walang pinipili ang pag-ibig ng isang tao sapagkat natatangi iyon at makapangyarihan. Sa labis na humaling at kilig sa panonood, di napansing lumalalim na ang gabi.


60 | 53 Mayroon na lamang limampu't tatlong araw bago sumapit ang Pasko.


November 03, 2015
Tuesday
Year III-307

7g-m. Matapos ang halos dalawang linggong bakasyon ay balik eskwela na ang mga estudyante, balik din sa dating gawi ang lahat subalit heto pa rin ako't patuloy na nilalasap ang nalalabing araw ng bakasyon. Gawa sa susunod na linggo pa magsisimula ang aming pasukan, di ako maagang nagising. Kay sigla ng nasa loob ko't wala sanang anumang bagay ang makapagpabago nito. May pinuntahan ang ilaw ng tahanan kaya ako muli ang nagbantay sa aming tindahan. Kahit minsa'y di na magkandaugaga sa kinikilos sa dami ng bumibili'y nakakalibang pa rin naman at gusto ko ang aking ginagawa. Matapos magbantay sa tindahan, paglalaba naman ang sunod na inatupag. Mukhang nakikiayon sa akin ang lagay ng panahon at napakaaliwalas na tila walang unos na daratal. Pagsapit ng tanghali, tila di iisiping magpapasko sapagkat dama ang napakaalinsangang panahon, walang ginawa kundi magtiis.

7g-n. Walang maisipang gawin kaya panonood muli ng drama ang inaatupag at maghapong itinutok ang mata. Sobrang tutok ang mata sa pinapanood kaya di namalayang malapit ng sumapit ang gabi't kailangan ng magsaing at magluto. Sa dami ng dapat pagkaabalahan sa bahay, mauudlot nanaman ang balak na bumisita sa bahay ng kaibigan. Ganito na lang ba parati't tila nakapiit ang sarili sa tahanan. Ilang taon ko na itong ginagawa subalit di pa rin matuto-tuto sa pagluluto't parang may mintis. Ang ikinakadismaya ko pa sa sarili, simpleng ulam na lang na iluluto, di pa magawa ng maayos at palpak.

7g-o. Kahit di maayos, kumagat pa rin sila ina sa lutuin ko, hindi mabatid kung ano ang tumatakbo sa kanilang isipan habang ngumunguya't nawa'y magustuhan. Matapos magluto, panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Kailan kaya matatapos ang isyu tungkol sa Tanim bala scam at habang tumatagal, dumarami pa ang mga nabibiktima't kinikikilan pa kapag nahulihan. Di ba sila nahihiya sa mga ginagawang pambibiktima? Mukhang malulubog na sa kahihiyan ang NAIA na binansagang Tanim Bala International Airport dahil doon at mga wala silang hiya! Kung sinuman sila, huwag ng ituloy ang modus at di magtatagal, masasakol din.


59 | 52 Limam pu't dalawang araw na lamang at Pasko na.


November 04, 2015
Wednesday

Year III-308

7g-p. Sa dami ng inaalala't naglalaro sa isipan, di akalaing nangangalahati na ang linggong ito't nabibilang na lamang ang araw bago magsimula ang aming pasukan. Malakas na pag-uusap nila Mama at Papa na mukhang mahalaga't seryoso ang gumising sa akin. Natutuwa naman sapagkat matapos ang ilang araw na di nagkikibuan, sa wakas at nagkaayos na rin sila't nahanap na ang pagpapatawad sa kanya-kanyang puso. Habang kumakain at pagkapitas ng paninda, di akalaing sisiklab muli sa galit si ina at ako'y nakatikim ng mabibigat na sermon. Hindi ko malaman sa kanya kung bakit ganon na lamang magalit samantalang wala naman sa kanya kapag ginagawa iyon, di ko maintindihan. Dala naginagaw marahil na may pinagdaraanan ito't di lang masabi sa akin kaya biglang uminit ang ulo, inunawa ko na lamang siya.

7g-q. Matapos mag-agahan, gawaing bahay muli ang siyang inatupag. Daming alikabok ang nalilikom at nanunuot sa sahig, sa kakawalis ay sinipon na ng husto. Nakakabatong manatili sa loob ng bahay kaya naisipang lumabas at ilaan ang oras sa pagkukumpyuter. May kamahalan ang singil nila sa paupahan, saksakan naman sa bagal ang internet at nakakaubos ng pasensiya, sarap batukan. Kahit may kabagalan ay nagtiyaga pa rin ako't umaasang bibilis pa. Inabot na ng tanghaling tapat sa pag-uwi kaya halos ikamatay ko na ang matinding init sa labas. Ang panahong ito na dapat sana'y lumalamig na, tila di nangyayari't tumitindi pa nga ang nararanasang init, Climate change na nga't kailangan ng pangalagaan ang inang kalikasan upang di na lumala pa ang mga delubyong maaring kaharapin.

7g-r. Pagsapit ng gabi, panonood muli ng telebisyon ang inatupag ko. Matutulog na sana ako, kaso hindi magawa-gawa pagkat napakaingay sa aming lugar. Puro tungkol lang naman sa sugal ang pinag-uusapan at ang lalakas pa ng mga boses at tawa, nakakaimbyerna. Karamihan sa mga tao dito sa amin, sa halip na magbanat ng buto, pagsusugal ang ginagawang panghanap buhay at walang mapapalang maganda sa sugal kundi ilulugmok pa lalo ang buhay mo sa kahirapan. Kahit di ko pa ito nararanasan, naniniwala ako na walang taong makakalasap ng karangyaan sa buhay kapag di dumaan sa hirap.


58 | 51 Limam pu't isang araw na lamang bago sumapit ang Pasko at kahit laki sa hirap, ayos lang basta't nabubuhay ng maayos at tapat.


November 05, 2015
Thursday

Year III-309

7G-s. Panibagong araw muli ang kakaharaping sa mata bagong gising lamang at sana'y makaya kung anumang pangyayari ang darating. Kay sarap ng tulog ko kaya tirik na ng husto ang haring araw ng magising at bumangon. Nakakabato ang naging umaga ko't kaya gawaing bahay muli ang siyang inatupag. Hindi lamang pagwawalis ang ginawa maging paglalapat na rin ng Floorwax upang maging makintab ang sahig at malinis sa paningin. Sa lawak ng sahig na dapat lapatan ng pampakintab, lubhang nabawasan ang lakas ko subalit ayos lang, hindi baleng mapagod kung naipakita mo ang iyong silbi't may karampatang kaginhawaan sa buhay. Matapos, pagbabantay naman sa tindahan ang siya kong naging libangan. Kay dadalang pa rin ng mga bumibili at kung mayroon man, karaniwang mga bata't puro maliliit ng halaga ang natatanggap.

7G-T. Pagsapit naman ng tanghali, tila nasa loob ka ng isang malaking hurno pagkat dama ng buong katawan ang napakainit na panahon, ibig kong kumain ng halo-halo o di kaya sorbetes, kaso init ng panahon ang pumigil sa balakin at tupok ang balat kung sinuman ang mabilad. Gawa na di makalabas ng tahanan at upang di tuluyang lamunin ng pagkabagot, naisipang muling manood ng drama. Tila dinaig pa ang matitinding unos ang dumadaan sa buhay ni Romana pagkat ito'y naging masalimuot, bukod sa nakipaghiwalay sa kanya ang lalaking pinakamamahal na si Iñigo at saktan ng labis, namatayan pa siya ng mga magulang dahil sa pagpapahirap ni Elvira, labis ang habag ko sa sinapit niya.

7G-U. Sa ganda ng takbo ng istorya na umaatikabo, ibig na itong tapusin kaso bigo sapagkat napakahaba ng palabas at di pa nga ako nangangalahati. Malapit na palang dumilim at di pa nakakakapagsaing kaya itinigil muna ang panonood. Itinuloy muling panoorin ang Ilumina ng sumapit ang gabi. Nakakainis ang kakambal niyang si Krisanta, labis nitong pinahihirapan si Romana at gagawin ang lahat, mapunta lang sa kanya si Iñigo at nahihibang na siya sa pag-ibig. Nakakahumaling ang manood ng Ilumina kaya di napansing malalim na ang gabi. Kung di talaga para sa'yo ang isang bagay o tao, huwag ng ipagpilitan pa dahil kailanman ay di makakamit ang kaligayahan at pakiwaring may kulang. Nakuha nga ni Krisanta si Iñigo, pero di ang puso nito.


57 | 50 Limang pung araw na lamang at Pasko na.


November 06, 2015
Friday
Year III-310

7G-V. Kung wala ng dapat gampanin dito sa mundong ibabaw, di sana anumang oras ay pwedeng matulog at kung kailan ibig ang bumangon. Hirap pang idilat ang mga mata dahil sa namamayaning antok subalit nilabanan ko ito't bumangon. Pagkapasok ko sa abandunadong kwarto ng ate't pagkaupo may sumambulat sa ilong na di kaaya-ayang amoy, napakasangsang na tipong kayang makapagpaluwal ng sinubo, di ko malaman kung ano iyon subalit natuklasan kinalaunan at walang kamalay-malay na dumumi pala ang alagang pusa at ito'y naupuan ko't dumigkit na sa salawal. Bastos na pusang iyan, dati sa higaan namin, tapos sa higaan naman ng ate nagpakawala ng lagim, kainamang patis! Sa tindi ng namamayaning inis sa dibdib, di na ininda pa ang awa ng ito'y sipain at balingan ng ngitngit. Patawarin nawa ako ng panginoon kung naging malupit sa hayop. Yari lamang ako at tiyak na mag-uumapaw sa galit ang ate kapag nalaman niya iyon.

7G-W. Daglian kong pinagtatanggal ang sapin maging punda ng kanyang unan. Lalabhan ko sana, kaso si ina na ang gumawa't ako'y nagtinda na lamang. Pagdako ng hapon at gawa na batong-bato kung nakaupo lamang at walang makausap, naisipang ipagpatuloy panoorin ang Ilumina. Nakakagigil ang mga Black Sorcerer sapagkat nakuha na nga nila ang aklat ng Ilumina, wala pang awang pinahihirapan si Romana maging ang pamilya nito. Ang masakit pa para sa kanya, inamin ni Iñigo na palabas lamang daw ang lahat at ginawa itong pain upang mahuli ang itinakda ng White Sorcerer.

7G-X. Laking tanga lamang ni Romana at di muna dapat pag-ibig ang inuuna sa panahon ng digmaan. Sagad din ang kasamaan ni Krisanta sapagkat nilagyan pa ng sumpa sa batok si Romana upang maging hawak ang buhay nito't maging leeg ni Iñigo.  Bago pa man kumagat ang gabi at habang di pa lumulubog ang haring araw, naisipan kong maglaba. Kaagad naman akong nakapagsampay sapagkat kakaunti lamang ang labahin. Pagsapit ng gabi at bago ihimlay ang sarili sa kama, panonood muli ng drama ang inatupag. Ang landi talaga ni Krisanta at wala siyang pakialam kung masaktan si Romana, basta nasa kanya na si Iñigo at asawa. Maya-maya pa at ng antukin, napagpasyahan ng matulog.


56 | 49 Mayroon na lamang apat na pu't siyam na araw, bago sumapit ang Pasko.


November 07, 2015
Saturday
Year III-311

7G-Y. Dalawang araw na lang ang itatagal at pasukan nanaman at magkahalong sabik at lungkot ang siyang umiral sa dibdib sa aking pagmulat. Nasasabik ako dahil may makikilala nanamang bagong Professor at kamag-aral subalit nalulungkot naman sapagkat magwawakas na ang mahabang bakasyon. Matapos lamnan ang sikmura ng agahan, pagtitinda agad ang inatupag. Saka lamang itinigil ang pagtitinda ng dumating si ina. Gawa na may klase na sa Lunes, pamamalantsa ng uniporme ang sunod na pinagkaabalahan ko. Wala akong ginawa ng umagang iyon kundi ihanda ang lahat maging ang sarili. May kahabaan man ang aming bakasyon, tila nabibitin at di ko man lang nasulit ng husto subalit di pa huli ang lahat at hangga't may natitira pang araw, may pagkakataon pa upang sulitin.

7G-Z. Nang makapananghalian, panonood muli ng drama ang ginugol ko. Hindi ko ibig ang mag-siyesta dahil bawat minuto'y mahalaga at di ibig na masayang subalit sa antok at namumugto na ang mga mata, di na napigilan pang umidlip. Ingay na nagmumula sa labas ang bumasag sa nahihimbing kong tulog. Pagkagising, ipinagpatuloy ko ang panonood at walang ginawa sa maghapon kundi manood ng Ilumina. Sa ganda't husay ba naman ng palabas, kahit na sino'y kaadikan iyong panoorin. Bukod pa roon ay nakakakilig pa sa tuwing magkikita sina Romana at Iñigo at nagpapalitan ng matatamis na salita, kaso nga lang ay nandiyan si Krisanta at patuloy silang tinututulan. Maging sa pagkagat ng gabi'y iyon lamang ang inatupag ko.

7H-A. May kahabaan ang naturang palabas at mukhang malabong matapos ngayong gabi subalit sisikaping tapusin. Sa sobrang tutok ng mata sa Cellphone, di namalayang anim na oras ng babad ang sarili at malapit ng lumalim ang gabi. Naging kapanapanabik pa lalo ang eksena ng salakayan ng mga Black Sorcerer ang kuta ng mga White Sorcerer at sila'y nagtuos. Lakibg ulaga talaga ng Romana sapagkat ibinigay niya ang Luminus kay Elvira, kaya iyan at nabuksan na nito ang Ilumina at nagpakalat na ng delubyo sa mga sanlibutan. Di naman masisisi si Romana dahil buhay ng nanay niya ang nakasalalay kapag di ibinigay ang Luminus subalit sadyang tuso si Elvira at pinatay niya pa rin ito. Sobrang inaabangan ko talaga ang pagtatapos ng Ilumina kaya kahit ganap ng hatinggabi, di ako tumigil sa panonood.


55 | 48 Apat na pu't walong araw na lamang at Pasko na.


November 08, 2015
Sunday

Year III-312

7H-B. Madaling araw na at dinig na ang tilaok ng mga manok subalit heto pa rin ang matang dilat na dilat habang tutok na tutok sa panonood ng palabas. Sukdulan na talaga ang kasamaan ni Elvira at tuluyan ng nilamon ng pagkaganid sa kapangyarihan sapagkat marami ng buhay ang nasayang dahil sa kanya. Siya man ang makapangyarihan dahil hawak ang Ilumina, wala itong kaalam-alam na nagkasundo na sila Romana at Krisanta, magkaparehong itinakda sa Puti at Itim na sorsera at kapit-bisig nilang nilabanan sina Elvira at Melina. Sa huli, natalo nila sila Elvira at kasabay nito ang pagtatapos ng hidwaan sa pagitan ng Itim at Puting sorsera.

7H-C. Sa wakas at natapos din ang palabas at maraming aral akong kinapulutan. Kahit kailan, di magtatagumpay ang kasamaan laban sa kabutihan, bukod pa roon ay nasa pagmamahalan at pagbibigayan ng bawat isa mahahanap ang tunay kaligayahan at kapayapaan, di sa palamangan at pansariling kagustuhan. Dakong ikawalo na ng umaga ako nagising at dinig na ang maingay na kapaligiran. Wala muli ang presensiya ni ina't madami na rin ang bumibili kaya di man gusto ang magtinda ngayon pagkat nakakatamad, ginawa ko pa rin. Nang makauwi si ina, saka lamang itinuloy ang gawaing bahay. Linis dito, linis doon at maging sa kasulok-sulukan ay walang ligtas ang mga alikabok sa mahusay kong pagwawalis.

 7H-D. Sa dami ng nalanghap na alikabok, bahingin ako ng husto. Pagsapit ng hapon at gawa na nababato muli ng lagay, naisipang magtungo kina Angelica. Di na raw ito nakatira sa kanila sabi ng ama nito. Habang kami'y magkausap ay saktong nakita si Dodoy, itinuro niya sa akin kung saan na nanunuluyan si Angelica. Pagkadako, nadatnang mag-isa lamang ito. Doon ko nalaman na bumukod na pala ito sa kanyang pamilya't silang dalawa na ni Rachid ang magkasama. Ayos din ang Angelica at kahit wala pa sa hustong edad at di nakatira sa puder ng magulang ay kaya ng tumindig sa sariling paa, di ako magtataka kung balang araw ay maging batang ina ito. Di ako nagtagal sa kanila't sunod ay tumungo naman kina Shiela. Abala ito sa pagluluto ng datnan ko't kakulitan nina Aira at Valerie ang sumalubong.

 7H-E. Sadyang kay kulit ng dalawa't di magawang masaway pero nakakabigay naman ng aliw. Gawa na abalang-abala ang Shiela sa ginagawa, kaagad akong umalis. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya bumalik kina Angelica. Ang talino talaga ni Rachid at dami niyang nalalaman tungkol sa history at nakakabilib subalit may ilan sa kanyang pananaw ang di magawang paniwalaan, bukod pa roon ay nayayabangan ng bahagya sa kanya. Marami pa siyang naikwento tungkol sa naging buhay nito. Sa sarap ng usapan namin, di napansing lumagom na ang gabi. Ibig ko pa talagang manatili sa kanila't makipagtsikahan pa pero di na ibig pang makatikim ng mababagsik na sermon ni ina kaya kinailangan ng umuwi. May pasok na kinabukasan at magkahalong kaba't sabik ang umiral sa dibdib. Sana maging mababait ang mga professor ko ngayon semester. 


54 | 47 Apat na pu't pitong araw na lamang at Pasko na.


November 09, 2015
Monday
Year III-313

7H-F. Maaga muling magigising at kahit namumugto pa ang mga mata sa antok, kailangan ng bumangon at mag-almusal. Palaisipan sa akin kung sino-sino muli ang magiging kamag-aral at sana'y may kakilala. First day of our class subalit naging maulan ang panahon at muntikan ng mabasa habang inilalapit ang yapak sa unibersidad kahit nakapayong. Pagdating sa mismong silid na pagdaraosan ng aming klase, wala pa ang mga kamag-aral at ako pa lamang. Nanatili muna sa labas. Saktong nasa harapan na ang Professor pagkapasok at siya si Sir Lanuncia, may edad na ito subalit napakabukal ng kanyang kalooban at maka-diyos pa, naalala ko tuloy si Sir Esguerra sa kanya sapagkat magkatulad sila.

7H-G. Isa-isa niya kaming kinilala't di ko malaman sa kanya kung bakit masyado nitong sinisiyasat ang bawat buhay namin, ugali niya lang ba iyon o baka may kinalaman sa magiging lesson namin? Malapit ng magtapos ang oras ng Logic subalit ang unti pa rin namin at tila di nadadagdagan ang bilang, marahil ay nahuli lang ang kararamihan.Sikolohiyang Pilipino ang sunod naming asignatura't laking kilig ng iilang kamag-aral sapagkat si Sir Barrion ang aming Professor. Iba ang dating nito sapagkat nag-uumapaw sa kakisigan at di kumukupas magpakailanman subalit para sa akin, walang makakatalo sa kakisigan ni Sir Jigo at di maiwasang ikumpara silang dalawa. Laking gulat at tuwa ng ako ang gawing leader sa pagdadasal. Lalo pa kaming umunti't ang tahimik, nakaka-boring na tuloy mag-aral. Boring na nga, boring pa magturo si Sir at di man lang masumpungan ang saya.

7H-H. Pagkalabas namin ay saktong nakadaupang palad ang dating mga kamag-aral sa Dash 2. Todo ang pagka-miss sa kanila kaya nagawa munang makisalamuha. Kumabog bigla ang tuwa sa dibdib ng mabatid na si Sir Jigo ang magiging professor nila, naisipan kong maki-sit-in. Sa muling pagkakataon, masisilayan siyang muli't di mapigilan ng pusong masabik. Maya-maya'y dumating na siya subalit biglang akong nahiya, sa hiya ay naudlot ang balakin at umalis. Pagkababa'y saktong naroroon sina Angel, sila ang naging lakas loob ko upang maki-sit-in. Pagkapasok ay nagsasalita na si Sir Jigo. Kengkoy pa rin ito't bawat pagtuturo'y nilalahukan ng katatawanan kaya di mapigilang ilabas ang kanya-kanyang mga pangil. Sila tawanan, pero nakaw-tingin sa kanya't halos matunaw na nga. Sikolohiyang Pilipino ang asignatura nila ngayon,  hindi maiwasang tumawa kapag nagta-tagalog ng puro si Sir at para itong makata kung magsalita, ang lalalim at hirap unawain, parang di bagay sa kanya.

7H-I. Sayang at dapat siya na lang naging guro sa asignaturang iyon. Biglang pumalit ang selos sa puso ng lapitan nito si Nicole at yakapin ng higpit. Angsweet nilang dalawa at halos guyamin na nga. Awkward naman kung sa akin niya iyon gagawin at di ito masisisi. Laking kilig nina Marlou lalong-lalo na si Nicole na abot langit ang tuwa samantalang ako na nakatulala sa kawalan at idinadaan na lang sa pag-iilusyon. Sana mangyari din sa panaginip ko kung anuman ang ginawa ni Sir sa kanya, doon pa lang ay magiging masaya na ko. Di na lang nagpahalatang nagseselos at nagpanggap na kinikilig din. Makalipas ang ilang kaganapan, lumabas na kami. Di pa matukoy kung saang silid idaraos ang klase para sa susunod na asignatura, umuwi na lamang ako. Naiintindihan ko naman siya subalit bakit di maiwasang magselos. Di ito tama at marahil ay wala akong karapatan.


53 | 46 Apat na pu't anim na araw na lamang at Pasko na.


November 10, 2015
Tuesday
Year III-314

7H-J. Inabot na ng madaling araw subalit di pa rin makatulog ng mahimbing dahil sa pananakit ng tiyan, kinakabag nanaman pala ako. Saka lamang nakatulog, ng maibsan ang kabag kinalaunan. Dahil wala kaming pasok ng ganitong araw, malapit ng mag-ikawalo ng maisipang bumangon at tila walang nangyari pagkat ayos na ang lagay ng sikmura. Matapos kumain ng agahan, diretso gawaing bahay muli at ako'y naglampaso. Nang malampaso ang buong sahig maging ang kasulok-sulukan nito, paglalaba naman ang sunod na pinagkaabalahan.  Kaagad din naman ako natapos. Walang magawa't tinamaan muli ng pagkabagot kaya pakikinig ng musika ang siyang naging libangan ko. Medyo nasarapan ako pakikinig at aliw na aliw kaya di namalayang tanghaling tapat na, di pa man kumakalam ang sikmura subalit kailangan na itong lamnan.

7H-K. Anong alinsangan muli ng naging tanghali namin at di makatulog ng maigi. Pagsapit ng hapon at ng mapansing lumililim na ang init, naisipang muling maglakwatsa. Sa bagong bahay muli nila Angelica ako tumungo. Saktong natutulog ang mag-asawa ng datnan subalit agaran ding nagising. Wala kaming ginawa sa buong oras na iyon kundi magkwentuhan at minsa'y tawanan. Sadyang kay talino ng Rachid at madaming muling bagay ang natutuhan sa kanya ko na ngayon lamang nalaman. Sayang talaga siya't kung nakakapag-aral lamang, malamang ay malayo ang kanyang mararating at may tiyansa pang umangat ang buhay.

7H-L. Maya-maya, naglaro kaming tatlo ng Chain reaction at sa bawat oras na nanalo'y di maiwasang humiyaw, ang ingay tuloy namin. Labis kaming nag-enjoy sa laro kaya nakailang ulit, inis ko lamang dahil parating natatalo, gayunpaman ay masaya pa rin. Huwag isipin na mahina ka kaya parating natatalo sapagkat di sa lahat ng pagkakatao'y parating iyon ang magiging kapalaran mo, magpakaaliw lamang sa paglalaro. Inabot na ko ng gabi sa kanila't mapupusok na sermon muli ni ina ang abot pagkauwi. Kanina, napakabuti ng pakiramdam ko, tapos ngayon ay biglang nagbago't nagkaroom muli ng sipon. Dahil sa lintik na sipon, hindi magawang matulog ng maayos at nahihirapan din sa paghinga, mukhang magkakasakit muli ako. Umaasang magiging maigi ito kaya idinaan na lang sa pagtulog.


52 | 45 Apat na pu't limang araw na lamang at Pasko na.


November 11, 2015
Wednesday

Year III-315

7H-M. Hindi na kasing sungit ng nagdaang kagabi ang timpla ko subalit wala pa ring patid ang aking pagsinga. Kinakutuban ako ng masama at tila may di magandang mangyayari't maari itong kaharapin mamaya. Dahil sa namamayaning kaba ay parang ibig munang lumiban subalit di itinuloy ang balak. Habang lumilipas ang bawat sandali'y palakas ng palakas ang kutob ko't di mabatid kung totoo ba ito. Ipinagsawalang bahala na lamang ang nararamdaman at dala lamang marahil ng kung ano-anong nasa isip. Wala pang guro pagkapasok sa silid at sa lamig sa loob, naisipan munang lumabas. Ilang sandali pa, pumasok na si Sir LanunciaLogic ang aming asignatura subalit di ko lubos mawari kung bakit napasok ang usaping pag-ibig, kaya ang mga kamag-aral ko, buhay na buhay at nakaka-relate sa sinasabi ni Sir.

7H-N. Naranasan ko na ang magmahal subalit di sa pakikipagrelasyon. Kailan ko kaya makikilala ang taong handang ibigay sa akin ang pagmamahal sa kabila na ganito ako? Sana kayanin ng loob kung sakaling makaranas ng sakit sa pag-ibig, kahit sinong umibig ay masasaktan kaya inaasahan na iyon. Ang ganda ng topic at sana'y ganoon parati. Dahil sa nakakaaliw na topic, parang bulang nawala ang kaba't pumalit ang kilig. Nasa ikalawang araw na ng aming klase subalit kakaunti pa rin kami't tila wala ng idadami pa, ang lungkot tuloy. Sikolohiyang Pilipino ang sumunod naming asignatura't nagturo lamang si Sir Barrion. Kabato talagang magturo ni Sir at pampaantok ang boses. Kahit panay ang tawanan nila ay di mapigilang umidlip. Maya-maya'y lumabas na kami. Tanging si Janna at Vladimir lamang ang nakasabay sa pagkain. Matapos namin kumain, nagtungo naman sa library at doon nagpalipas ng oras.

7H-O. Lumipas ang ilang sandali, tumungo na kami sa Computer laboratory. Saktong naroroon ang mga dating kamag-aral pagkatungo, wala akong ginawa kundi makipagkamustahan. Ang dami nila samantalang ang unti lamang namin. Maya-maya'y pumasok na kami at si Sir Ferdinand ang professor sa asignaturang Computer Science. Bago ito magsimulang magturo, isa-isa muna kaming nagpakilala sa harapan. Mukha naman itong mabait at nakakatuwa pa't di kakikitaan ng pagka-terror magpakailanman, sana nga. Saka lamang ito nagturo ng makapagkilala ang lahat at matapos ay nagkaroon kami ng hands on activity. Sumunod ay tumungo naman kami sa Athletic Center. Si Ma'am Cariza naman ang guro namin sa PE at pinasulat niya lamang kami sa Index card. 

7H-P. Medyo bata-bata pa at mabait din, sa tingin ko nga'y madali siyang kaibiganin at pwedeng makipaglokohan sapagkat halos lahat sa kamag-aral ay dati niya na ring estudyante at malapit na malapit ang loob nito sa kanila. Di pa man dissmissal time at matapos magsulat sa kanya-kanyang index card, pinauwi na niya kami. Bago umuwi, tumungo muna ako sa Faculty room upang kausapin si Ma'am Eloisa tungkol sa  pagpapa-adopt sa kanyang klase. Hindi naman naging mahirap ang kumbinsihin ito't agad na napapayag subalit registrar office daw ang magdedesisyon. Sana pumayag sila sa kagustuhang lumipat ng ibang section pagkat masyadong alanganin ang oras. Diretso ako sa paglamon pagkarating ng bahay. Matapos manood ng paboritong programa, daglian ng natulog.


51 | 44 Apat na pu't apat na araw na lamang at Pasko na.


November 12, 2015
Thursday

Year III-316


7H-Q. May kaba pa rin sa dibdib sa aking paggising subalit di naman ito naging hadlang upang pigilan sa pagpasok. Pagdating  sa eskwelahan, mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadatnan ko. Wala pa rin pinagbago't kakaunti kami. Kahit nabibilang lamang, nanatiling maingay ang silid. Maya-maya'y pumasok na ang professor namin sa Exceptional Psychology at siya si Ma'am Anna Marie, bata-bata pa't tila baguhan lamang, tingin ko'y mabait din ito't di istrikto bilang guro, sana nga. Isa-isa kaming nagpakilala sa harapan at ng makapagkilala ang lahat maging siya, kaagad na kaming pinalabas. Sa halip na ilaan ang oras sa pagkain, tumungo ako sa Registrar office. Saksakan sa haba ang pila, buti na lamang at may kapalitan ako ng salita kaya di gasinong nainip. Maraming minuto ang biniling bago ako nakaupo subalit wala pa ang Coordinator, naghintay pa ko. Ang tagal niyang dumating at sa inip, ibig ng umalis pero di natuloy ng dumating.

7H-R. Matapos ang aming pinag-usapan ay pinapunta niya ko sa office ng Dean's Registrar kay Sir Max. Walang kasiguruhan ang isip kung papayagan ba sa kagustuhan. Nang mag-usap na kami, hiniling sa kanya na kung pwede baguhin ang oras ng aking General Botany o magpa-adopt sa ibang professor sa kadahilanang alanganin ang oras. Pumayag naman siya, ang problema ay maapektuhan ang ibang subject at kahit saang dash ako ilagay ay Conflict talaga't di pupwede, no choice ako kundi i-drop ang Subject na iyon. Di naman mahirap ang mga proseso kaya kumagat na ko. Ng ayos na ang lahat, bumalik na ko ng silid. Sa oras ng Educational Psychology, si Sir Barrion muli ang professor namin. Boring na nga magturo, magkakaroon pa kami sa kanya ng Reporting at Research at iyon ay walang kamatayan hangga't siya angprofessor mo.

7H-S. Bawal din sa kanya ang pa-easy-easy sapagkat ipi-pressure ka niya sa paghahanda ng Thesis for defense.  Grabe siya at mas malupit pa kay Ma'am Ria, pasakit sa mga Psychology Student. Mabuti pa kung si Ma'am JoyceMa'am Trisha, Sir Gelo o si Sir Jigo ang naging professor, pwedeng maging masaya bilang buhay estudyante, sa kanya wala at papagurin pa ng bonggang-bongga. Pagkatapos ay lumabas na kami. General botany ang sunod naming asignatura, di rin ako nagtagal at ng mapapirmahan sa professor ang ibinigay na form, kaagad ng umalis. Dumeretso ako sa Dean's Registrar office upang ipasa ang form at magdagdag na rin ng Subject. Habang nasa pila, saktong nakadaupang palad si Ma'am Ria, di ko sana ito kakausapin pero bigla akong nilapitan.

7H-T. Ang nakakainis pa, ibig kong kuhain ang Major subjects sa mas mataas na antas, kaso pinipigilan niya ko't sinabing di pa raw nagma-mature, may ganon talaga! Bukod pa roon ay binalaan niya ko na di tatanggapin sa klase kung sakaling mapunta sa kanya, asa naman siyang magiging professorko ito. Ayaw ko naman magalit si Ma'am kapag sinuway ang kagustuhan kaya kunwa-kunwaring pumayag ako. Pagkaalis nito, tila gumaan ang dibdib ko. Sorry siya dahil di nito hawak ang pag-iisip ko at wala siyang karapatang tanggihan ako dahil nasa registrar office ang desisyon. Maya-maya'y nagharap muli kami ni Sir Max at officially dropped na ang General Botany. Abnormal Psychology ang naisipan kong ipalit at si Ma'am Joyce (Llardizabal) ang magiging professor. 

7H-U. Officially Irregular student na rin ako at araw-araw ng may pasok subalit ayos lang, pinili ko ito at dapat lamang panindigan. Nakakapanibago lamang sa pakiramdam dahil Irregular student na't bagong kamag-aral muli ang makakasalamuha. Nang wala ng aasikasuhin pa, kaagad ng umuwi. Sa pagod, kaagad akong nag-siyesta ng makapagbihis. Sa kasibaang matulog, madilim-dilim na nagising. Kaagad na din nakapaghapunan pagkabangon. Matapos manood ng telebisyon at gawa na di pa dinadalaw ng antok, nanood muna ng Video. Dami kong tawa sa palabas, ang ingay tuloy. Dakong hating-gabi ng mapagpasyahang matulog.


50 | 43 Mayroon na lamang apat na pu't tatlong araw bago sumapit ang Pasko.


November 13, 2015
Friday

Year III-317

7H-V.Sumapit muli ang araw na kinakatakutan ng mahilig maniwala sa pamahiin, ang Friday the thirteenth at ibayong pag-iingat muli ang kailangan upang makaiwas sa kamalasan at mapahamak. Tayong mga Pilipino, ugali ng gumawa ng mga pamihiin at paniniwalaan kahit wala naman makitang siyantipikong ebidensiya. Hindi naman marahil masama kung maniniwala dahil walang mawawala sa atin. Sa kasarapan muli ng tulog, tirik na ang araw sa labas ng magising. Wala muli si ina at marami na ang bumibili, ako muna ang namahala sa tindahan. Saka ko itinigil ang pagtitinda ng dumating si ina. Gaya ng panahon ang pakiramdam ko, maaliwalas at tila kay kulay, sana ganito parati ang maramdaman at walang bagay ang makapagpabago nito.

7H-W. Matapos ay gawaing bahay muli ang inatupag ko. Walis dito, walis doon, lampaso dito maging doon, kahit matrabaho'y buong tiyaga pa ring ginampanan. May pasok pa ko ngayon kaya ng matapos ang gawaing bahay, kaagad ng kumain. Habang sarap na sarap sa pagnguya at walang pakundangan sa pagsubo, pagkatarak ng tinidor sa ulam, aksidenteng nakabig ang plato, nagsihulugan tuloy ang kinakain. Malas ko naman at tama sila, kalakip talaga ng araw na ito ang kamalasan. Nagdamusak tuloy sa sahig at sa halip na maghanda na para sa pagpasok, kailangan ko pang imisin. Maging kasuota'y di nakaligtas sa kadaskulan at namantsahan ng husto. Sayang at kakaunti pa lamang ang nakakain ko. Saka lamang nakapaghanda ng makapag-imis ng kalat.

7H-X. Anong alinsangan sa labas sa aking pagpasok na tipong kayang tupukin ang balat, bukod sa mainit ay inabot din ng trapik sa lansangan at mistulang usad pagong, mukhang mahuhuli na ko. Wala pa naman si Ma'am Joyce (Lardizabal) pagkatungo sa silid at laking tuwa at gulat pagkat di akalaing magiging kamag-aral rin sina Ciole, John Ray at iba pa, may kakilala na ko at di magiging mahirap ang maka-adapt. Habang kasama ang mga Third year students, pakiramdam ko, Third year na rin at di akalaing mapapabilang sa ganung antas. Maya-maya'y pumasok na si Ma'am Joyce at gulat siya ng makitang nasa klase niya ako, nagtanong tuloy ito.

7H-Y. Kaba ang umiral sa dibdib ng tanungin subalit di naman naganap ang pinangangambahan at sa katunayan, welcome na welcome nga sa kanya. Di pa rin nagbabago si Ma'am Joyce pagkat kahit kailan ay mabait ito, tama lamang na pinili ko siya bilang professor at di pinagsisihan ang naging desisyong magpalit ng Subject. Very interesting ang lesson namin sa Abnormal Psychology pagkat tungkol iyon sa mga taong may kapansanan at abnormalidad sa pamumuhay at todo pakinig sa kanya. Kahit paano, unti-unti ng nabibigyang linaw ang isip sa mga bagay-bagay na mahirap maipaliwanag at bukod doon, unti-unti na rin nauunawaan ang kapatid na may kapansanan. Kahit isang oras at kalahati ang klase, tila nabitin ako at ibig pang matuklasan ang mga bagay-bagay ukol sa kanila. Sa takot na wala ng maisuot na uniporme bukas, diretso paglalaba ang pinagkaabalahan pagdating ng bahay. Mukhang di matutuyo ang sinampay pagkat makulimlim ang panahon at hiling ko lang na magpakita ang araw. Pagsapit ng gabi at gawa na nababagot, nilibang ang sarili sa panonood ng telebisyon. Kaawa-awa ang naging buhay ni Angelo sapagkat nagkasunod-sunod ang problemang dumarating sa kanya at ito'y pawang mabibigat. Kung sa akin mangyari iyan, malamang ay mababaliw na. Kaagad ng natulog matapos manood.


49 | 42 Apat na pu't dalawang araw na lamang at malapit na ang Pasko.


November 14, 2015
Saturday
Year III-318

7H-Z. Dakong ikaanim na ng umaga nagising at bumangon. Pagkarating sa eskwela at sa oras ng Exceptional Psychology, nagbigay lamang si Ma'am Anna Marie ng Activity at di ito makakapagturo pagkat marami raw aasikasuhin. Matapos nitong mag-anunsyo, tumungo na kami sa library at doon isinagawa ang Activity. Sa sarap at saya kahuntahan ng mga kasamahan, nawala na ang konsentrasyon sa paggawa. Natutuwa naman ako dahil may bago ng kaibigan at dama ng dibdib ang pagtanggap nila sa akin. Makalipas ang halos isang oras, bumalik na ng silid. Unang beses ko pa lamang pumasok sa oras ng Education 5 kaya ngayon pa lamang nakilala ang Professor at siya si Ma'am Joyce (Geronimo). Ang ganda niya't bukod pa roon ay mabait at nakakatawa pang magturo, para siyang si Ma'am Petty at dinaig pa nga. Matapos ay nagkaroon kami ng Activity at iyon ay iguguhit ang tungkol sa naging karanasan nung bata pa kami.

7I-A. Pahirapan sa akin ang mag-drawing dahil sa pamamagitan lang ng imahinasyon at walang gayahan. Idagdag pa ang maikling oras na ibinigay kaya labis ang aking pressure, mistulan tuloy gawang Kinder ang output. Maya-maya pa, nagkaroon kami ng palaro. Masaya at nakakatuwa ang mechanics kaso nabitin ako pagkat kinapos na sa oras. Iba palang maging guro si Ma'am Joyce, nakakalibang at aliw, nakakabigay ng Goodvibes. Lumabas muna kami at kumain. Saktong nasa harapan na si Sir Barrion pagkabalik, ang ilang kong kasamahang kaibigan, di agad makapasok pagkat naiilang daw subalit napilit naman. Di malaman sa kanila kung bakit nakukuhang mabaliw kay Sir. Sa oras ng Educational Psychology, nagturo lamang si Sir Barrion.

7I-B. Hanggang ngayon, nabubuhay ang antok ko sa tuwing magtuturo si Sir at walang kabuhay-buhay ang pagsasalita kahit epektibo at nauunawaan naman. Wala ng kasunod pang asignatura kaya nagpaalam na kila Janna. Bago umuwi, tumungo muna sa Dean's registrar office. Sa haba ng pila't sa inip, napagpasyahang sa ibang araw na makipag-usap kay Sir Max.  Dakong Alas-dos na nakarating ng bahay. May pupuntahan pa sila Mama at Ate sa Mall upang bumili ng pagkaing panghapunan kaya kaming dalawa lamang ng Kuya ang naiwan. Nakakabagot at bilang pampalipas oras, walang ibang inatupag kundi mag-surf sa internet. Yamot at awa ang naramdaman ko ng mapanood kung paano makipagtalik ang lalaki sa babae sa ibang bansa. Grabe ang kababuyang ginagawa ng lalaki sa babae, itatali nito patiwarik na kailangan labas ang ari, pagkatapos ay ipapasok ang kung ano-anong bagay na matitigas at tutuhugin ng paulit-ulit.

7I-C. Bukod pa roon ay hahagupitin pa ng latigo sa mismong maselan nitong katawan. Sarap at saya ang Rapist na lalaki samantalang naghihirap at nasasaktan ang babae, ang tindi niya. Hindi ko talaga kinayang panoorin at di akalain ganon pala ang sekswalidad sa ibang bansa gaya ng Amerika, lubhang kay babastos at ang bababoy. Kawawa naman ang babae dahil nag-agrabyado ng husto ang kanyang Virginity. Labis ang intriga ko sa Redtude, pero ng mapanood, di mo ma-imagine ang sakit dahil puro sexual harassment ang laman ng Video at kababuyan. Di ko malaman kung bakit ginawa pa nila angwebsite na iyon at para saan iyon, sa sexual abuse.

7I-D. Dapat i-block na iyon ng sa ganon, wala ng makapanood pa ng malalaswa.First time kong manood nun pero ang lakas ng epekto sa pagkatao. Sa halip na pampalipas oras, naging pampabastos oras na. Mabuti na lamang at walang ganong insidente dito sa Pilipinas, iyon nga lang ay tumataas ang kaso ng mga nagagahasa. Hirap pala kapag maganda ka, dahil lapitin ng mga manyak na lalaki't pagsasamantalahan. Malapit ng sumapit ang Alas-nuebe subalit di pa dumarating sila ina, kanina pa nagugutom at sa inip, nakaramdam na ng inis. Namamayani na ang inis at sa halip na pagkasabik ang isalubong ay nakompronta ko sila pagkadating. Laking pagsisi ko talaga dahil nagpanaig sa galit, di tuloy magawang kainin ang dalang pasalubong nagi-guilty pero sa gutom na rin, di na natiis pa. 


48 | 41 Apat na pu't isang araw na lamang at Pasko na.


November 15, 2015
Sunday
Year III-319

7I-E. Sa ganda ng napaginipan at sa sarap ng tulog, eksakto malapit ng mag-ikapito ng magising at bumangon. Kay aliwalas ng panahon at magandang pagkakataon upang ipasyal ang sarili't mag-ehersiso, nakakabigay sigla sa kalooban. Habang abala at sarap sa pagkulwit ng selepono, biglang may naulinig akong tinig at tila pamilyar sa pandinig. Pagkadungaw, si Ate Wenang pala iyon at ito'y may kasama pa. Maingay nanaman ang bahay dahil sa kanila't mauulinig muli ang mga Ilokanong salita. Maya-maya pa, naisipan kong maglaba. Sa gabundok na labahin ay mangaubos halos ang lakas ko't labis ang pagkahapo subalit ayos lamang, ang mahalaga'y naipamalas ang silbi sa pamilya at makabawi kila ina.

7I-F. Kung kailan nagsasampay na, biglang kumulimlim ang panahon at nagbabadyang umulan. Sa takot na abutan ng ulan, paspasan ang aking pagsasampay. Heto na nga't umulan na't mistulan ng basang sisiw habang nagsasampay. Nagpakita naman ang araw kung kailan tapos ng magsampay at kairita ang panahon. Sa gutom at ng maluto ang ulam ay walang pasubali pang nilantakan iyon. Sa dami ng kinain ay labis ang pagkabusog ko na tipong di makakilos. Pagsapit ng hapon at gawa na batong-bato, balak sanang maglakwatsa at tumungo sa bahay ng kaibigan, kaso may pinuntahan sila Mama at walang magbabantay kay Kuya Al, mas inuna ko ang kapakanan ng kapatid kaysa sa sariling kagustuhan.

7I-G. Pagsapit naman ng gabi'y magulantang ako ng labis ng mapanood sa balita ang tungkol sa pambobomba sa Paris at maraming katao ang nasawi. Hindi pa nakuntento ang mga terorista at tinadtad pa ng baril ang mga taong walang kalaban-laban. Grabe talaga ang dinanas ng France mula sa mga Isis at mas masahol pa sa nangyaring Twin Tower Terror Attack. Nakakatakot isipin na sa nalalapit na APEC Summit ay hindi malayong mangyari sa Pilipinas kung anuman ang sinapit ng France habang dinaraos ito at kailangan talaga higpitan ang seguridad at magdasal upang sa gano'y di na makapaghasik pa ng karahasan ang mga Isis.


47 | 40 Apat na pung araw na lamang at Pasko na't nawa'y masugpo na ang mga terotista.


November 16, 2015
Monday
Year III-320

7I-h. Pag-uusap nina Mama at Ate Wenang na lubhang di naman maunawaan ang gumising sa akin. Alas-sais na pala't sa takot mahuli sa pagpasok ay may pagmamadali na sa pagkilos. Pagdating ng unibersidad at habang bumabagtas ako patungong silid ay saktong nakasalubong si Mary. Tuwa ang umiral sa dibdib ng ipabatid na di raw makakapasok si Sir Barrion. Laking pasalamat ko sapagkat may panahon pa upang gumawa ng takdang-aralin, ang hirap pa naman nun. Ilang sandali pa, pumasok na kami ng silid. Sa oras ng Logic, nagturo lamang si Sir Lanuncia about Wisdom. Patay nga lamang sapagkat nakaligtaang dalhin ang salamin, pahirapan tuloy sa akin ang komopya ng lecture, hirap talaga ng kalagayan ng kapag malabo ang paningin. Bawat sabihin ni Sir, ang lakas ng dating sa amin at hugot na hugot.

7I-i. Tama si Sir, hindi lahat ng taong natitipuhan ng puso ay mapapasayo at di magiging masaya kapag ipinagpilitan mo. Kung mahal mo talaga siya, kailangang parayain siya. Sa oras ng Sikolohiyang Pilipino at dahil wala si Sir Barrion, walang ginawa kundi makipagdaldalan at sayang kausap nila Mary (Galo) at Gin Rhead. Maya-maya pa'y tumungo na kami ng library at doon muna nanatili. Kanina pa kumakalam ang sikmurang walang laman at sa gutom, napagpasyahang tumungo ng Canteen. Habang patungo ng Canteen ay tumingkad ang kilig sa dibdib ng makasalubong si Sir Jigo at ang tamis ng araw ko. Kahit may kalabuan ang paningin, nakasisiguradong siya ang nakasalubong at litaw na litaw ang kanyang kakisigan. Sa tindi ng namamayaning kilig, halos masiraan na ng bait. Matapos tsumibog ng husay ay bumalik na kami ng Library.

7I-j. Mistulan akong komedyante sa kanila sapagkat bawat ibulalas ng bibig ay siyang labas ng kanilang pangil, mistulan tuloy tinakasan ng bait sa kakatawa't sumakit halos ang tiyan. Di batid sa sarili kung bakit buhay na buhay at ang lakas ng tama. Ilang sandali pa, tumungo na kami ng silid. Sa oras ng Computer Science, si Ma'am Angie ang professor namin sa lecture. Medyo bata-bata pa't kaakit-akitp ang pagiging marikit nito. Bukod pa roon ay masaya ito magturo't pangtanggal antok, nakakaaliw. Kahit mangilan-ngilan lamang kaming pumasok, masaya pa rin ang klase dahil sa kanya.

7I-k. Magkahalong lungkot at kilig ang aming naramdaman ng magkwento ito tungkol sa kanyang buhay pag-ibig. Hanga din ako kay Ma'am sapagkat sa kabila na nakaranas ng sakit ng iwan ito ng kanyang kasintahan, nagawa pa rin nitong maka-get-over at nakayang lampasan iyon, grabe at parang MMK ang buhay niya. Ibig pa sana naming magturo ito't magkwento, kaso kinapos sa oras. Sa pagod, diretso siyesta ako pagdating ng bahay. Madilim-dilim na sa labas ng magising at agaran ng naghapunan. Matapos maghapunan, panonood muli ng telebisyon ang siyang inatupag. Masaya ako sapagkat APEC Summit na bukas at walang pasok, nagpakapuyat ako.


46 | 39 Tatlumpu't siyam na araw na lamang at Pasko na.


November 17, 2015
Tuesday

Year III-321

7I-l. Pagsisimula ng APEC Summit at gawa na walang pasok ngayon hanggang Biyernes, malapit ng mag-ikawalo ng magising. Ano-ano kaya ang mapag-uusapan ng mga Leader ng bawat bansa patungkol sa ekonomiya, ito kaya'y may kaugnayan sa mga mamamayang naghihirap na kailanma'y di lumasap ni katiting na kaginhawaan kahit panay sa paglago ang ekonomiya, sana nga, upang sa gano'y mabigyang pansin ng pamahalaan ang mga maralita at tulungang mapaayos ang kanilang buhay. Masaya ako, dahil ilang araw walang pasok, magkakaroon ng panahong makapagpahinga. Hindi naman ibig ang nakaupo lamang kaya matapos mag-agahan, sinimulan na ang gawaing bahay. Pagkatapos, pamamahala naman sa tindahan ang sunod na inatupag. Walang pasok kaya naging matumal ang bumibili, ni mga panindang pambaon ay di man lang nagagalaw at matagal na nakatengga.

7I-m. Ganong talaga ang buhay at napapanahon lamang iyan. Habang nagtitinda'y tamang pagkulwit lamang ng selepono at pakikinig ng musika upang maibsan ang pagkabato. Nakakaaliw ang musika't nakakabigay sigla't kulay sa umaga. Habang abala sa pagtitinda, ang Mama naman ay panay pakikipagdaldalan kina Ate Wenang na tila walang kapaguran, di naman maunawaan kung anong pinag-uusapan. Maya-maya pa'y nagpaalam na sa amin sila Ate Wenang at tumulak patungong probinsya. Ang bahay na kaninang nababalutan ng ingay dahil sa sari-saring salita, biglang pumayapa ng umalis sila. Malungkot din pala kapag tahimik ang tahanan at walang mga bisitang nagpapasaya. Di naman palaimik ang ina kapag kami-kami lamang sa bahay at tila di kami magkakilala. Pagsapit ng tanghali, panonood ng telebisyon ang inatupag.

7I-n. Nadismaya lamang sa balita sapagkat di mapag-uusapan sa APECang tungkol sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, bakit naman, dahil kapag pinag-usapan iyon ay mapapahiya ng husto ang kinatawan ng China samantalang di sila nahihiya habang isa-isang inaangkin ang isla na di naman sa kanila. Bukod pa roon ay malaki ang maitutulong ng islang iyon upang mas lalo pang umangat ang ekonomiya, pero anong nangyari? Sa halip na tayo ay Chinaang nakikinabang at mga ganid sila! Nakakainis at mas inuna pa ang kapakanan ng leader ng China kaysa sa kapakanan ng teritoryo ng Pilipinas. Ang lawak-lawak na nga ng bansa nila't maunlad, binalak pang angkinin ang sa atin.

7I-o. Di nakakapagtagka na balang araw, buong Pilipinas ay sakop na rin ng China dahil di sila tumitigil hangga't walang pumipigil. Pagsapit ng hapon at habang sarap na sarap sa kinutkot ay magkahalong lungkot at gulat agad ang umiral ng ipabatid ng tsismosang kapitbahay na pumanaw na ang ama ni Angelica. Ang nakakatakot pa, hika ang ikinamatay nito. Hikain pa naman ako at kailangan ko ng pag-ibayuhin ang pag-iingat ng sa gano'y di matulad sa sinapit ng kanyang ama. Balak ko sanang magtungo sa kanila at makiramay, kaso di na itinuloy pa pagkat makapasong balat ang panahon. Dati binabalewala lamang ito subalit kailangan ng isaalang-alang ang kalusugan. Anong init pa rin kahit sumapit na ang gabi, matapos manood ng telebisyon at sa antok, kaagad ng natulog.


45 | 38 Mayroon na lamang Talumpu't walong araw bago sumapit ang Pasko.


November 18, 2015
Wednesday

Year III-322

7I-p. Nananatili pa ring walang pasok dahil sa sinasagawang APEC Summit, kaya di muling maagang nagising at hinintay na sumigla-sigla ang katawan bago bumangon. Hindi naging maaliwalas ang panahon at tila nagdadalamhati ito sa kakulimliman, marahil ay may darating na unos, wala mang bagay na napagdaraanan subalit nalulungkot pa rin at sinasalamin ng makulimlim na papawirin ang kapighatian sa buhay. Ano kayang mayroon at bakit malungkot ang kalangitan? Matapos ang gawaing bahay, tumungo na ko sa Computer shop. Bago tumungo, dumaan muna ako kung saan ibuburol ang namayapang ama ni Angelica, kaso wala pa ang labi nito ng datnan ko. Ng makikapagkamusta, di rin ako nagtagal at agarang umalis. Kainis sa shop na pinasukan ko, masangsang na nga ang amoy, mabagal pa ang takbo ng internetat kaubos ng pasensiya.

7I-q. Kahit may kabagalan, walang ginawa kundi pagtiyagaan. Hindi tuloy makapag-research upang gumawa ng takdang-aralin sa kakuparan. Sa kakahintay gawa na mabagal, inabot na ng tatlong oras sa pag-upa, mabuti't kinaya pa ng bulsang bayaran. Ang kaninang umagang makulimlim na tila nagluluksa, maalinsangan naman ngayon at nakakapasong sinag ng araw ang sumalubong sa paglabas. Ang panahon nga naman, parang babae na pabago-bago't di malaman kung saan tutungo. Mapupusok na sermon muli ni ina ang abot sa aking pag-uwi. Sa tuwing lumalayas ay di na bago sa akin na isalubong ni ina ang nagbabagang mga salita kapag umuuwi't sanay na ko. Kahit panay ang pagdada nito, di na lamang inintindi't nagpatuloy sa paglamon. Matapos mananghalian, ako'y nag-siyesta.

7I-r. Pagsapit ng hapon at gawa na ako'y naiinip at kating-kati ng maglakwatsa, ibig ko sanang gawin ang naisin subalit hindi itinuloy sapagkat walang magiging katuwang ang ina sa mga gawain. Naawa naman ako sa kanya kaya kailangan kong magsakripisyo. Kinagabihan naman, naluha ako ng matunghayaan sa eksena ang pagtatagpo ng mag-ina matapos ang mahabang panahong nagkawalay sila. Sayang nga lamang dahil kung kailan nakilala nito na siya ang tunay na ina, saka naman binawian ng buhay ang ina't napakasalimuot ang nangyari sa kanila, nakaka-touch. Kahit paano'y nahagkan naman ng husto ang anak bago pa man maging huli ang lahat sa kanya. Hindi pa namayayani ang antok sa pagkatao kaya naisipang makinig ng musika. Malapit ng gumitna ang gabi ng mapagpasyahang matulog.


44 | 37 Tatlumpu't pitong araw na lamang ang nalalabi, Pasko na.


November 19, 2015
Thursday

Year III-323

7I-s. Tuluyan ng sumikat ang haring araw ng ako'y magising at bumangon. Ang ganda ng umaga ko sa kadahilanang maaliwalas ang panahon at tila nakangiti sa'yo ang araw subalit biglang nasira dahil sa lintik naming pusa. Walang hiya siya't sa higaan ko pa napiling dumumi! Mabuti na lamang, di nalagyan ang mga unan at bedsheet lamang. Sa labis na pandidiri, masuka-suka ako habang inaalis ang dumi sa higaan. Muntikan ko ng paslangin ang Pusa sa labis na pagkaimbyerna subalit nangibabaw ang awa sa dibdib. Nang makapaliglinis, sinimulan ko na ang gawaing bahay. Maya-maya pa, tumungo muli ng Computer shop upang mag-research. Saktong maayos ang takbo ng internet sa shop na inuupahan kaya di naging abala sa akin ang gawain.

7I-t. Dakong malapit ng magtanghaling tapat ng makarating sa bahay. Anong init muli ng nararanasang panahon at ibig ng ipasok sa pridyider ang buong sarili't doon na manirahan, di tuloy makapag-siyesta. Pagsapit ng hapon, gawa na batong-bato at di na ibig pang mapanis ang laway, naisipan kong lumabas. Sa bahay nina Cathy ako tumungo, mahigit sa apat na taon na palang di nakakabisita sa kanila kung kaya labis ang paninibago ko sa tahanan nila pagkat ang laki ng pinagbago't umayos. Sa labis na aliw, nanatili sa kanila hanggang sa sumapit ang gabi. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya naisipang kina Angelica naman sunod na tumungo. Habang ako'y patungo, saktong nakasalubong si Dodoy at magkasamang gumawi sa kanila. Kahit gabi na'y abala-abala ito sa pagsasampay ng datnan namin. Ilang sandali pa, lumakad na kami kung saan nakaburol ang kanyang ama.

7I-u.  Kaawa-awa pala ang naging kalagayan ng ama niya bago ito bawian ng buhay sapagkat bukod sa inatake raw ng hika, sumuka pa ito ng dugo't matagal na pala itong may taglay na sakit na Tuberculosis, sa kasamaang palad ay di ito nagamot hanggang sa lumala na. Kaya pala ganoon na ito kapayat na tipong ting-ting kung pagmamasdan sa tuwing masisilayan ito. Kinilabutan ako sa mga ikwinento ni Aling Leleng. Laking pasalamat ko na lamang na kahit dati'y may ganyang uri ng sakit, naagapan naman at hindi humantong gaya ng sinapit niya. Kawawa naman ang Angelica sapagkat maagang nangulila sa ama't dama ko ang luksa na mawalan ng mahal sa buhay.  Lumalalim na ang gabi kaya di na ko nagtagal sa kanila. Diretso tutok ng mata sa telebisyon pagkadako ng yapak sa tahanan. Matapos ay daglian ng inihimlay ang sarili.


43 | 36 Tatlumpu't anim na araw na lamang at Pasko na.


November 20, 2015
Friday
Year III-324

7I-v. Huling araw na ng mahalagang meeting ng mga delegado, ang APEC Summit at nakakalungkot lamang sapagkat huling araw na rin ng bakasyon. Sa sarap ng tulog ko, malapit ng mag-ikapito ng magising. Sa apat na araw na bakasyon, tila hindi ko man lamang nasulit sapagkat kabitin, bawi na lamang sa susunod. Habang may nalalabi pang panahon ay sinamantala ang oras sa paggawa ng mga takdang-aralin. Hindi ko man ito ibig at pinakaaayawan sa lahat subalit kailangang gawin alang-alang sa magandang markang matatamo. Hindi naging biro sa akin ang gumuhit ng mga larawan dahil masyadong kumplikado subalit di sumuko't ipinagpatuloy. Sa dami ng dapat iguhit, inabot na ng Alas-dyis ng matapos ako sa gawain. Kahit kailan, wala sa aking talento ang maging mahusay sa pagguhit at ang tsaka parati ng kinalabasan, nakakadismaya.

7I-w. Hindi man bihasa pagdating sa pagdo-drawing, hindi iyon naging dahilan upang tumigil at walang ginawa kundi sanayin ang sarili sa pagguhit. Para maiba naman at more challenging for me, larawan ni Crush ang naisipang gawing gayahan sa pagguhit. Kahit na nahihirapan sa ginagawa, hindi maipaliwanag sa sarili kung bakit ginaganahan sa pagguhit at nakakaaliw. Habang ginuguhit ang larawan nito ay sumisidhi pa lalo ang kilig sa dibdib at pagnanasa sa kanya at animoy walang makakapigil nito, kahit ilang ulit titigan, di man lang magawang magsawa't nagbibigay sigla pa nga sa araw ko. Natapos naman ito kinalaunan, ang problema'y di naman nito kahawig at di balanse ang pangngatawan.

7I-x. Magkahalong dismaya't pagka-guilty ang umiiral sa dibdib, kinailangan pang ulitin. Wala akong ibang pinagkaabalahan sa maghapon kundi ang gumuhit, kahit paano'y nakukuha na ang tamang sukat ng kanyang mukha't maging porma ng buhok at pananamit. Sa totoo lamang, tao ang pinakamahirap iguhit sa lahat ng bagay kung ang kailangan nito'y aktwal at hindi literal ang kalalabasan. Sana'y maibigan niya ang aking gawa kung iaalay ito. Sa sobrang abala ko sa pagguhit, di namalayang malapit ng gumabi't kailangan ng magsaing. Pagsapit ng gabi, panonood ng telebisyon ang siyang libangan at pampalipas oras. May pasok na kinabukasan kaya maaga akong natulog. Hindi naman makatulog sapagkat gising pa sila mama at nakakabulahaw ang kanilang pag-uusap, kairita. Sinabihan ko na sila, pero di ako inalintana, hinayaan na lamang sila. Saka lamang nakatulog ng maayos ng matigil ang pag-uusap nila at pumayapa ang paligid.


42 | 35 Tatlumpu't limang araw na lamang, Pasko na.


November 21, 2015
Saturday

Year III-325

7I-y. Nakakainis lamang sapagkat di pa nagtuloy ang bakasyon namin hanggang weekend at may pasok muli. Nakakatamad na tuloy pumasok pagkat ang araw na ito'y ipit na subalit wala naman magagawa't hindi na ibig pang lumiban sa klase. Dakong ikapito ng makarating ang yapak sa eskwela, bago dumako sa silid, tumungo muna sa panahian upang magpasukat. Hindi pala basta-basta ang maging isang mananahi sapagkat madaming kailangang isukat sayo't dapat ay sakto ang ipinasadyang damit. Ilang sandali pa, tumungo na ko ng silid. Sa oras ng Exceptional Psychology, si Sir Ben ang naging guro namin at nagturo. Biglang lumukob ang kaba sa dibdib ng magkaroon ng Class recitation, lubhang mahirap ang kanyang katanungan at dala na walang maisagot at kinakabahan, lumabas muna ako.

7I-z. Saktong nakapag-recite na ang lahat ng makabalik sa silid at nakahinga ng maluwag. Maaga pa sa itinakdang dismissal time ng palabasin kami ni Sir Ben. Sa gutom, habang may nalalabi pang oras ay tumungo muna ng Canteen at kumain.Tamang kwentuhan din habang tsumitsibog at pakiwari ko, sila na marahil ang bagong kaibigan. Ang saya din kausap at di maiwasang ilabas ang pangil. Sa oras ng Education 5, wala si Ma'am Joyce subalit may humalili sa kanya. Matapos nitong mag-anunsyo, lumabas na kami't sa library nanatili. Makalipas ang halos dalawang oras, bumalik na kami ng silid. Sa oras ng Educational Psychology, nagturo lamang si Sir Barrion. Nakakaantok man magturo kunginteresting naman ang lesson, pinigilan ko ang matulog at nakinig. May ilan lamang sa sinabi ni Sir ang lubhang tinamaan ako subalit di ito masisisi.

7j-A. Pagkatapos ay lumabas na kami. Bago umuwi, kasama si Gin Rhead at Eloisa, tumungo kami sa Fairview Terraces at gumala. Habang naglilibot kami, pakiramdam ko'y ang susyal namin at daming mga mamahaling bilihing makikita. Pagkatungo sa bilihan ng mga Cellphone, mahalina ng labis pagkat ang gagara't ang linaw pa ng Screen. Ibig sanang bilhin, kaso malaginto ang presyo't saka na lang kapag magkakwarta ng limpak-limpak. Kapag may I phone ka talaga, pakiwaring ang yaman-yaman mo. Sa Robinson Novaliches naman kami sunod na nagtungo. Habang namamasyal, may biglang lumapit sa aming mga dalagita at inayang dumalo sa kanilang Church. Naiiba ang relihiyon nila sa relihiyon namin kaya di pumayag pero itong si Gin Rhead, gustong-gustong dumalo. Ibig na sana namin ni Eloisa umuwi, kaso mapilit ang Gin Rhead. Kung kailan pumayag na kami, saka naman ito umayaw, ang labong kausap at masyado siyang Pabebe.

7j-b. Matapos ang aming pagtatalo, pinanindigan ni Gin Rhead ang kagustuhan nito't sinamahan namin. Saktong nagsisimula na ang Worship pagkapasok at pagkatapos ay bible study. Bukod sa amin ay nandoon din si Jhanina't di akalaing ganoon pala ang kanyang relihiyon. Tumagal ang testamento ng halos dalawang oras. Bago umalis, lahat ng baguhan, pinapunta sa harapan at Groupie. Medyo napasarap lang ang usapan sa mga kaanib kaya napatagal na kami. Inabot na pala ng gabi pagkalabas namin. Dakong Alas-siete na ng makauwi't sa tindi ng gutom, diretso lantak ng nilutong ulam. Bagsak na ang buong katawan sa labis na pagod at matapos manuod, agaran ng inihimlay ang sarili.


41 | 34 Tatlumpu't apat na araw na lamang at bago sumapit ang Pasko.


November 22, 2015
Sunday
Year III-326

7j-c. May araw na sa labas ng magising at bumangon. Ilang oras ng natulog subalit bagsak pa rin ang buong katawan at di nilulubayan ng hapo. Naibsan naman ang pagkahapo't nanumbalik ang dating sigla pagkahigop ng kape. Pagkatapos, gawaing bahay muli ang siyang inatupag ko. Hindi na halos magkandaugaga ng lagay sapagkat bukod sa abala sa pagwawalis, malinis lamang ang sahig, sunod-sunod din ang dating ng mamimili. Abala naman ang ina sa pag-iimpake ng uling at wala man sa mood na gawin ito'y ako na ang nag-asikaso sa kanila. Kahit maganda ang magkaroon ng maraming kostumer at sila ang nagpapalago ng negosyo, hindi ko minsan maiwasang mairita, lalo na kapag may ginagawa't naantala dahil sa kanila. Hirap talagang panghawakan ang obligasyon bilang tindero kung may iba pang bagay na dapat asikasuhin. Nakakahilo ang paikot-ikot at palakad-lakad kaya isinantabi muna kung anuman ang ginagawa at ipinagpatuloy ang pagtitinda.

7j-d. Nang matapos ang ina sa ginagawa, saka lamang nagkaroon ng laya upang gawin ang ibig. Walang magawa kaya naisipang maglaba't halos magkandabalat na ang palad sa kakakusot. Malapit ng magtanghali subalit wala pa pang nalulutong ulam. Kanina pa kumakalam ang sikmura kaya binalak na magdelihensya subalit pinigilan ni ina't umiral agad ang tuwa ng sabihing bibili ito ng manok. Sumakit man ang tiyan sa gutom ay walang ginawa kundi tiisin, mahintay lamang ang pinakaasam-asam na pagkain. Ako muli ang namahala sa tindahan at habang nag-aabang ng mamimili, pagbabasa ang inatupag ko. Ilang sandali pa, sa wakas at dumating na ang inang bitbit ang ulam at iyon ay pinagsaluhan namin. Sa tindi ng gutom na kanina pa tinitiis at sa labis na takam, walang pasintabi sa pagdampot at halabira sa pagbanat kaya itong sila ina, nagsumiklab muli ang damdamin.

7j-e. Hindi ko na ibig pang lumala't mauwi sa bangayan kaya di na lamang sila inintindi't inindyoy ang paglantak sa manok. Sa dami ng nilamon ko, tila dinaig pa ang nagdadalang tao sa kaumbukan ng tiyan at di halos makakilos sa kabusugan. Ng mawaring natunawan na, pansanmantala akong nag-siyesta. Pagkagising ay masangsang na amoy ang sumalubong sa ilong at halos ikasuya ko ito. Hindi malaman kung saan nanggaling ang amoy na iyon at pakiwaring di nalalayo ang imbakan ng ebak, walang ginawa kundi magtakip ng ilong. Naparam naman ang masangsang na amoy kinalaunan at sa wakas, nakalanghap din ng sariwang hangin.

7j-f. Pagkabangon at dahil may pasok muli kinabukasan, pamamalantsa ang siyang inatupag ko. Kinagabihan naman, panonood ng telebisyon ang naging libangan ko. Kahanga-hanga't nakakainggit ang buhay ni Joel Cruz sapagkat sa kabila na ipinanganak itong mahirap, nagsumikap ito ng husto't nakayang lampasan ang mga pagsubok. Kaya ngayon, isa na siyang mayamang negosyante't kung titingnan, napakarangya na ng pamumuhay at malayo na ang narating nito. Marahil ay siya na ang pinakamayamang Bakla sa balat ng Pilipinas. Sana'y maging gaya ng kinabukasan ko ang buhay na tinatamasa niya ngayon.


40 | 33 Mayroon na lamang Tatlumpu't tatlong araw bago sumapit ang Pasko.


November 23, 2015
Monday
Year III-327

7j-g. Lunes nanaman pala kaya maaga muling magigising. Sa kasarapan ng tulog na tipong di maawat ang mata sa pag-idlip, malapit ng sumapit ang Alas-siete ng magising at bumangon. Mukhang mahuhuli na ako at sa takot na mahuli sa pagpasok, may pagmamadali sa pagkilos. Ang bilis ng oras at di akalaing ikawalo na ng lisanin ang tahanan. Anong bagal ng usad ng mga sasakyan at bumper to bumper ang daloy, mukhang magaganap ang aking pinapangambahan. Pagkadaan sa may North Fairview, may nagaganap palang sunog at sa laki ng apoy, maging karatig nitong establishimento'y kayang tupukin. Ang mga trak-trak ng mga bumbero maging mga residente, tulong-tulong na inaapula ang apoy. Inabot man trapik sa lansangan dahil sa sunog, di naman ako nahuli. Kahit nabibilang lamang kami't marami pa ang wala, nagsimula ng magturo si Sir Lanuncia. Maya-maya'y nagkaroon kami ng Logic practical test at napakahirap ng kanyang katanungan.

7j-h. Sa hirap at masyadong lohikal, ni isa sa mga sumagot ay di pa tumutumpak. Dahil may premyo kung sinuman ang makakasagot, may pagkukumahog ang ilan na sumubok subalit biguan. Napanganga kami ng laki na tila susubo ng ibunyag ni Sir ang tamang sagot at iyon lang pala, pambihira! Sa oras naman ng Sikolohiyang Pilipino, nagturo lamang sa amin si Sir Barrion. Hindi man ipakita ng mga kamag-aral ang reaksyon, malakas ang pakiramdam ko na natatamaan sila sa sinasabi ni Sir pagkat may laman. Pagkatapos ay nagkanya-kanya na kami sa paglabas at kumain. Matapos naming kumain at dahil walang magawa, sinamantala ang oras sa paggala. Napagod ang paa sa kakalakad subalit ayos lamang, basta't may kahuntahan at pinapasaya nila ang araw ko. Makalipas ang halos dalawang oras, tumungo na kami ng silid.

7j-i. Sa oras ng Computer Science, nagturo lamang si Ma'am Angie. Nakakaenganyong makinig kapag si Ma'am ang nagtuturo't sa kulit nito magsalita at cute pa, pinapawi nito ang stress na nanalaytay sa aming katawan likha ng mga gawain. Nabitin lamang ako sapagkat kinapos sa oras. Bago umuwi, tumungo muna kami sa Bookstore upang bumili ng aklat. Si Gin Rhead sana ang makakasabay sa pag-uwi, kaso ng biglang dumating ang mga kamag-aral at ayain na sumabay na sa kanila, hindi ito mapilit at doon napagtanto na may Social Anxiety ito, inintindi ko na lamang siya at di na pinilit pa.

7j-j. Naiintindihan ko kung anuman ang pinagdaraanan niya sapagkat minsan ay mahiyain din ako't takot makihalubilo, lalo na kapag di pa gaanong kilala't di mo sila kasing level, parang natatakot kang mapahiya sa harapan nila o mahusgahan at gagawa ng paraan para mapigilan iyon. Kaya minsan kapag may lakad ako, madalas ay mapag-isa ako at mas komportable ako kapag mag-isa lamang. Hindi rin ako palaimik sa mga taong di pa gasinong malapit ang kalooban. Subalit minsan, nilalabanan ko ang hiya't sinusubukang makisalamuha sa mga kaibigan o sa mga taong kakilala nila, mahirap man ito para sa akin. Pagsapit ng gabi, pagguhit ng larawan ang inatupag ko. Hindi malaman sa sarili kung bakit nahihilig sa pagguhit at kahit paano, natututo na ko. Sumapit na ang Alas-onse ng mapagpasyahan kong matulog.


39 | 32 Tatlumpu't dalawang araw na lamang at Pasko na.


November 24, 2015
Tuesday
Year III-328

7j-k. Nararanasan na ang malamig na panahon tuwing madaling araw, sa lamig ay sarap pang humilata sa kama at ibig ibalot ang buong katawan sa kumot. Sumapit na pala ang ikaanim ng umaga't gawa na naparam na ang antok, bumangon na't nag-almusal. Dahil magkakaroon ng maikling pagsusulit sa Abnormal Psychology at sa kagustuhang makatamo ng magandang marka, iginugol ang nalalabing oras sa pagrerepaso. Hirap man minsan makaintindi sa lalim ng pangugusap, sinusubukan pa rin at may bagong nadadagdag sa kaalaman bilang Psychology Student. Hindi man ako kasing talino at galing ng iba, basta't nasa pag-uugali ang pagiging masipag at may pagsusumikap, tiyak na malayo pa rin ang mararating. Sa sobrang humaling sa pagbabasa, di napansing Alas-dyis na't kailangan ng maghanda para sa pagpasok muli.

7j-l. Pumatak na ang Alas-onse ng makaalpas ang yapak sa unibersidad, anong init ng panahon at sa tindi nito, tila inaapoy ako ng lagnat. Saktong naroroon na si Ma'am Joyce (Lardizabal) pagkadako ng silid at habang di pa nagsisimula ang pagsusulit, walang ginawa kundi magrepaso. Ang kaninang kabang bumabalani sa kalooban, biglang napalitan ng tuwa ng ipabatid ni Ma'am na sa Biyernes na itutuloy ang Quiz at magtuturo lamang ito. Very Interesting ang naging lesson ni Ma'am sa amin sapagkat ang topic, tungkol sa mga taong may sakit na Autism at isa doon ang Kuya Al. Todo pakinig ako at karamihan sa mga sinasabi ni Ma'am Joyce, totoong nangyayari sa kapatid ko.

7j-m. Dati-rati, hindi ko maunawaan ang bawat kinikilos ng kapatid at may mga oras na napagbubuhatan ng kamay at nagiging malupit sa kanya pero ngayon, unti-unti ko na siyang naiintindihan. Dahil tungkol sa kapatid ko ang pinag-uusapan, naging matanong ako kay Ma'am. Marami pa kong ibig itanong kay Ma'am at malaman tungkol sa kapatid ko, kaso may ginagawa ito't pinangunahan ng hiya. Hindi ko lang alam kung magagawa bang i-apply sa kapatid ang mga itinuro ni Ma'am at sana'y maging pasensiyoso ako. Matapos ang klase, umuwi na ko. Pagkauwi, kaagad na pinagmasdan ang kapatid at habang pinagmamasdan ko ito, doon napagtanto na di dapat sinasaktan at niloloko, bagkus ay inaalagaan at minamahal ito.

7j-n. Nagsisisi ako dahil may kapansanan na nga siya, nagagawan pa ng masama at minumura. Kawawa naman pala ang kapatid ko't wala ng pag-asang gumaling ito pagkat panghabang-buhay na iyon. Kinagabihan, tumungo ako kung saan nakaburol ang ama ni Angelica at nakipagkwentuhan. Habang nasa puder nila, dama ko kung paano sila magluksa. Upang di lamunin ng pagkabato at lungkot, naisipang maglaro ng Chain Reaction. Kainis lamang sapagkat parating si Rachid ang nagwawagi, ang talino kasi. Ilang ulit man natalo sa laro, masaya pa rin at nakakaaliw. Medyo nasarapan at libang sa paglalaro kaya di namalayang Alas-otso na. Diretso nuod ng telebisyon pagkauwi't matapos ay inihimlay na ang sarili sa kama.


38 | 31 Eksakto isang buwan na lamang bago sumapit ang Pasko.


November 25, 2015
Wednesday

Year III-329

7j-o. Alas-singko ng umaga at pagkagising, boses agad nila Mama at Papa ang sumagi sa aking pandinig at ako ang laman ng usapan. Kaaga-aga subalit muli akong nakarinig ng mapupusok na salita ni ina. Ka-badtrip siya't ang daming isyung ibinabato sa akin, di na lang manahimik, parang ipinapamukhang walang naitutulong sa bahay. Dami niya talagang satsat at sa inis, muling humantong ang aming bangayan. Pilit ko siyang pinapatigil subalit nagpatuloy pa rin ito sa pagdada, lumayo na lamang at sa kusina nag-almusal. Pakiramdam ko, walang layang gawin ang ibig sa buhay sapagkat bawat ikilos ay may karampatang sermon at nakakasakal na siya. Wala naman akong ginagawang masama pero kung makapagsalita ito, parang masamang anak ang tingin sa akin.

7j-p. Sa labis na inis, nagawa ng balibagin ang susi pagkalisan ng tahanan. Hindi ko malaman kung bakit ganyan siya sa akin. Pumasok akong may bigat sa kalooban subalit pinipigilang maramdaman iyon at sinusubukang di magpaepekto. Sa oras ng Logic, nabulaga kami ng magkaroon ng Suprise Class recitation at isa-isa kaming tinawag, ibig sanang magrepaso subalit bawal buksan ang kanya-kanyang notes o tumingin sa libro, nga-nga tuloy ng matawag. Pilit man inaalala kung ano ang tinuro, kaso nabablangko pa rin at walang maisagot. Nakapagturo pa si Sir Lanuncia matapos ang recitation, sa bagong lesson na itinuro nito, di basta-basta't kay hirap unawain, mukhang matatagalan pa bago makuha.

7j-q. Sa oras naman ng Sikolohiyang Pilipino, nagturo lamang sa amin si Sir Barrion. Himala't di ako inaantok ngayong nagtuturo siya. Bago umalis, may inanunsyo muna ito. Maya-maya'y tumungo na kami sa Canteen at doon nananghalian. Makalipas ang ilang sandali't ng matapos ang kanya-kanyang kainan, tumungo naman ng Library at doon muna nanatili. Tamang kwentuhan lamang habang nasa library.  Medyo tinatamad ng pumasok kaya napag-usapan na huwag ng dumalo sa mga susunod pang klase subalit kung kailan nasa labas na ng Campus at pasakay na, biglang nagbago ang isip ko't di na sumama sa kanila. Mabuti na lamang, natauhan ako't di hinayaang magpanaig sa katamaran. Sa aming magkakabarkada, kami na lang ni Janna ang natira. Pagpatak ng Alas-kwatro, tumungo na kami ng Covered Court. Habang naroroon, tamang panood lang ng Folk dance at ito ang nagbigay aliw sa oras na batong-bato.

 7j-r. Sa paglipas ng oras ang unti-unting pagdating ng ilan pang kamag-aral. Ilang saglit pa, nagsimula na ang klase para sa PE at itinuro sa amin ni Ma'am ang tungkol sa Volleyball. Matapos ang lecture ay naglaro na kami ng Volleyball. Kainis sapagkat di talaga ako marunong maglaro nun at sa bawat paghataw ng bola, parating palyado at may pagkakataong natatamaan ang ilang kamag-aral. Hindi man mahusay ang halos lahat sa amin sa paglalaro, naging masaya pa rin naman. Mas masaya sana kung nandoon sina MaryEloisa at Gin Rhead, tapos kami-kaming magkakaibigan ang magkagrupo sa laro. Inabot na ko ng gabi sa pag-uwi. Matapos maghapunan, inumpisahan ng magrepaso sa Abnormal Psychology. Hindi naman makapag-aral ng maayos sa kadahilanang ako'y sinisipon. Malapit ng sumapit ang hating-gabi ng mapagpasyahang matulog.


37 | 30 Tatlumpung araw na lamang at Pasko na.


November 26, 2015
Thursday

Year III-330

7j-s. Malamig na panahon ang nagbigay sarap sa aking pagtulog, kaya naman pumatak na ang Alas-sais ng ako'y magising at nagpasyang bumangon. Kay bilis ng oras at di pa man nakakabihis, Alas-otso na pala. Nagtataka lamang ako kung bakit ganoon kabilis ang takbo ng oras. Pagkatingin sa Selepono, Alas-siete pa lamang pala. Malakas ang hinalang may gumalaw sa orasan at si ina ang salarin. Kainis siya't masyado akong inaapura, tapos nagawan pang lokohin subalit di ako palinlang. Natrapik man sa lansangan, hindi naman nahuli sa pagpasok at wala pang Professor pagkadako ng silid. Lumipas pa ang maraming saglit ng dumating si Ma'am Anna Marie at inanunsyo niya ang tungkol sa paggawa ng Case study.

7j-t. Matapos ay nagpangkat-pangkat kami't saktong sila Gin Rhead at Eloisa ang kagrupo. Maaga kaming pinalabas ni Ma'am at sa library isinagawa ang pagpupulong hinggil sa Case study maging sa Report. Nang makapagpulong, lumakad na kami patungong Canteen. Dami ko talagang tawa sa mga kasamahan sapagkat daming alam na kalokohan at kahit ako ang tampulan ng biruan, di naman napipikon. Sa kakahalakhak na tipong di maawat, muntikan ng mabulunan. Umiral ang tuwa sa kanya-kanyang mga dibdib ng ipabatid na walang klase sa Education 5 at manonood lamang ng Pageant. Pagkatapos ay tumungo na kami sa Quadrangle at saktong nagsisimula na ang Pageant para sa MR. and MS. Fatima 2015 ng datnan namin.

7j-u. Iba't ibang mga kalahok ang nagpakitang gilas sa pag-awit at pagsayaw at nakakaaliw panoorin. Habang pinapakinggan ang mga mang-aawit, para akong nanunuod ng Your Face Sounds Familiar sapagkat kawangis ng boses ng Artist ang kantang inaawit nila at kumikinam pa ang boses. Lalo pang umigting ang sigawan at hiyawan sa buong Campus ng isa-isang rumampa ang mga naggagandahan at naggagwapuhang Kalahok at animoy GGSS ang dating. Iliganteng-iligante ang kanilang kasuotan at nakakaakit ang pinagpalang hitsura. Naaliw ako kaya walang ginawa kundi kunan ng litrato ang kanilang mukha. Sa sobrang ingay, hindi na halos kami magkarinigan. Ibig pa sanang tapusin at subaybayan kung sino ang hihiranging MR and MS Fatima 2015, kaso may klase pa kami sa Educational Psychology. Wala pa si Sir Barrion pagkatungo ng silid subalit kaagad din naman ito dumating at nagturo.

7j-v. Kainis at may klase pa kami at kahit ilang ulit pakiusapan, tuloy na tuloy pa rin. Natapos ang klase niya na inaantok ako't muntikan ng makatulog. Mabuti na lamang, nakakaaliw kasama si Eloisa at palakwento pa kaya naparam ang antok. Pagdating ng bahay, saka lamang nakatulog at mga dakong ikalima na nagising. Pagsapit ng gabi, pamamalantsa ng uniporme ang siyang inatupag. Hirap din pala ang araw-araw na may pasok sapagkat kailangan alaga sa laba't plantsa ang mga uniporme ng may maisuot sa pagpasok. Ganon talaga at kailangang panindigan. Matutulog na sana kami ng biglang dumating sina Ate Wenang. Madaldal nanaman si ina't nonstop ang pag-uusap nila, di tuloy makatulog. Nakatulog naman kung kailan payapa na ang kapaligiran.


36 | 29 Dalawang pu't siyam na araw na lamang at Pasko na.


November 27, 2015
Friday
Year III-331

7j-w. Hindi naging maganda ang gising ko sapagkat sinisipon muli. Sarap pang humilata ng husay sa kama't iidlip pansamantala ang mata subalit kailangan ng awatin ang sarili. Pagkaalmusal, diretso ako sa pagrerepaso habang nagbabantay sa tindahan. Mabuti na lamang, walang gasinong bumibili kaya di naaantala ang aking pag-aaral. Pilit man isaisip ang inaaral subalit nakakaligtaan at ang daling ibagsak ang pagsusulit mamaya. Gayunpaman, sana'y makakuha pa rin ng magandang marka ng sa gano'y ikatuwa ni Ma'am Joyce (Lardizabal). Sa kakaaral, nakaramdam na ang sikmura ng gutom, diretso ako sa paglantak ng maluto ang ulam. Sa sarap at linamnam, di na halos maawat ang bibig sa pagsubo't naparami ng husto ang kain. Pagkatapos ay inihanda na ang sarili. Habang napipinto na ang aming pagsusulit ang pagsidhi pa lalo ng kaba sa dibdib. Sa kaba, maging sa biyahe ay napaaral ako.

7j-x. Saktong wala pa si Ma'am Joyce pagkaalpas ng silid at ang halos lahat sa amin, abala na sa pagrerepaso. Ilang sandali pa, pumasok na si Ma'am at hiyawan ang lahat. Sa pagdating ni Ma'am Joyce ang pagsisimula ng maikling pagsusulit. Naging sisiw lamang sa unang bahagi subalit anong hirap pagdating ng kalagitnaan, bukod pa roon ay biglang nawala sa isipan ang inaral kaya labis ang aking pangagamote, nanghula-hula na lamang baka sakaling tsumamba. Mukhang di ako papalaring matayog na marka pagkat nahihirapan. Nang maiwasto, hindi ko ikanatuwa ang naging resulta ng pagsusulit at nakakadismaya. Hindi bale't babawi na lang sa susunod. Maaga kaming pinalabas ni Ma'am subalit di muna ako lumabas at nakipaghuntahan sa kanya. Hindi nakaka-intimidate kapag kaharap mo si Ma'am ang bait-bait pa.

7j-y. Napalitan ng tuwa ang kaninang ako na nadidismaya't umaliwalas ang mukha ng sabihing di lang estudyante ang turing sa akin kundi kaibigan na rin at di akalaing may professor na makikipagkaibigan sa akin at si Ma'am Joyce pa. Sa tuwa, lalo pang lumakas ang loob na makipagtsikahan sa kanya. May mga bagay pang gustong itanong sa kanya at malaman bilang Psychology Student kaso naantala ng biglang dumating ang isang estudyanteng malapit din sa loob niya. Hindi na ko makaimik at hinayaan sila, ilang sandali pa'y lumabas na kami. Bago umuwi, tumungo pa ko sa ibang silid kung saan nagkaklase si Beatriz upang humingi ng Notes. Saktong may Professor pa sila pagkatungo roon, naghintay muna.

7j-z. Sa tagal at inip na rin, darating na sa puntong ibig ng umalis subalit bigla itong lumabas. Pagkabigay, kaagad ng umuwi. Kinagabihan, natapos man ang pagsusulit sa Abnormal Psychology subalit di pa natatapos ang pagrerepaso pagkat may pagsusulit naman kami sa Educational Psychology bukas. Sa takot na bumagsak gaya ng nangyari kanina, paspasan ang aking pagsusunog-kilay. Sa halip na tumatak sa isipan ang inaaral, sumasakit talaga ang ulo sa tuwing nagkakabisado, kanina pa ito at di ko alam kung bakit. Malapit ng pumatak ang Alas-onse ng mapagpasyahang ihimlay ang sarili sa kama. Goodluck sa Quiz bukas at sana'y makapasa.


35 | 28 Mayroon na lamang dalawang pu't walong araw bago sumapit ang Pasko, malapit na!


November 28, 2015
Saturday
Year III-332

7k-A. Naging napakaganda ng napaginipan ko at tila di na ibig ang magising pa. Sa kasarapan ng tulog, malapit ng mag-ikapito ng dumilat ang mga mata. Mukhang mahuhuli na sa pagpasok kaya may pagmamadali sa pagkilos. Kay aga-aga subalit stress na agad ako't hingal na hingal. Pagkadako sa unibersidad, tanging mga kamag-aral lamang ang nadatnan. Walang guro kaya naging maingay muli ang buong silid. Batong-bato ako ng panahong iyon kaya nakipagpalitan na rin ng kuro-kuro sa katabi. Maya-maya pa, lumabas na kami at tumungo sa Canteen. Hindi pa ko makaramdam ng gutom kaya di muna nakisabay sa mga kasamahang kumain at pinagmasdan lamang sila. Habang kami'y nasa Canteen ay di akalaing masisilayan ko siyang muli't nginitian pa ng binati ito. Sa namamayanig kilig, tila nawawala na sa sarili't ang lakas ng tama ko sa kanya. Sa saya, kung ano-ano na ang nasasabi ko.

7k-b. Matapos nilang kumain ay bumalik na ng silid. Sa oras ng Education 5, naging kapanapanabik at nakakaaliw ang klase sapagkat may palaro muli at kung sinuman ang mataya, siya ang sasagot sa katanungan ni Ma'am. Simple lamang ang laro't iyon ay papalakpak ka sa tuwing babanggitin ni Ma'am kung anong numero ang matapat sayo at iyon ay kada bilang. Nakaka-tense ang palaro ni Ma'am at sa takot na mataya, naging alerto kami't may pagkukumahog na sinusundan ang bilang. Swerte't di naman ako natataya subalit sa dali ng katanungan ni Ma'am Joyce (Geronimo), nagawa ng mag-recite. Dami talagang naiisip na strategy ni Ma'am kaya nagiging epektibo ang pagtuturo nito't nakukuha pa ang atensiyon namin.

7k-c. Bukod sa napakahusay magturo, nakakalibang pa't inaalis nito ang natutulog naming katawang lupa. Sayang nga lamang at kinapos sa oras, marami pa naman kaming gustong matutuhan sa kanya. Habang wala pa si Sir Barrion, puspusan kaming nagrerepaso. Pilit man isinusuksok sa isipan ang inaaral, parang bulang nawawala pa rin at mukhang mangangamote mamaya, bahala na. Sa pagpasok ni Sir Barrion ang pagsisimula ng maikling pagsusulit. Ang hirap niya palang magbigay ng pagsusulit at karamihan sa inaral ko, di lumabas. Pigang-piga na ang utak sa kaiisip ng sagot subalit di pa rin makasagot, sa puntong iyon ay nanghula-hula na lamang.

7k-d. Nang maiwasto, sa halip na lumbay ay tuwa ang umiral sapagkat sa wakas, nakapasa rin ako. Matapos ay uwian na't tanging si Eloisa lamang ang kasabay ko. Pagkadako ng bahay at sa pagod na nadarama, kaagad munang natulog. Kinagabihan naman, pagguhit ang inatupag ko. Hindi biro ang mag-drawing kapag tao ang ginagaya at di makuha ang eksakto nitong detalye. Nahihirapan man ay ayos lamang at nakakalibang pa nga. Sa sobrang abala ko sa pagguhit, di namalayang lumalalim na ang gabi't kailangan ng matulog. Dahil may sayawan, anong ingay sa aming kapaligiran at maya't maya ang dating ng mga kabataan, di tuloy makatulog. Masaya sila pero abala naman sa mga matutulog at tila ginawang bar ang Covered Court. Mabuti kung puro love song ang tugtugin na tipong hugot na hugot, ayos lamang pero hindi at ang gugulo na nakakasuyang pakinggan. Sa muling pagkakataon ay kailangan naming magtiis.


34 | 27 Dalawang pu't pitong araw na lamang at Pasko na.


November 29, 2015
Sunday

Year III-333

7k-e. Sumakop na ang liwanag sa kalawakan ng ako'y magising at anong sigla muli ang aking naramdaman na tila gaya ng panahon na kay aliwalas. Pagkaalmusal, pagguhit muli ang inatupag ko. Sa totoo lamang, wala sa talento ko ang gumihit ng iba't ibang larawan subalit dahil ginusto ito't nahiligan na din, di man marunong ay nagiging maigi ang gawa ko. Kapag naatang sa'yo ang trabahong di angkop sa iyong kakayahan at pinakaayawan pa, samahan mo lang ng pagmamahal ay tiyak na magiging maganda pa rin ang kalalabasan. Kailangan di lang sa pagkukumahog idaan ang lahat ng bagay, samahan din ng pagmamahal at isaisip na masaya ka sa iyong ginagawa upang sa gano'y mas lalo pang makamtan ang pinakamimithi. Nasa talento mo ang sumayaw at kumanta, kung di ka naman masaya, balewala din at mahihirapang mag-achieve. Hindi masama ang mangarap, huwag lamang sobra-sobra't kailangang tama lang ng sa gano'y di mo maranasang masaktan kapag nabigo ka sa minimithing pangarap.

7k-f. Gaya lamang sa pag-ibig na dapat ay di sobra-sobra ang paghahangad mo sa kanya na balang araw ay mamahalin ka rin niya at huwag iwaksi sa isipan ang posibilidad na maaring mangyari kapag itinuloy ito upang maiwasang masaktan. Kapag nabigo ka naman sa kanya, kailangang tanggapin dahil di sa lahat ng pagkakataon, makukuha mo ang gusto't may purpose si God. Kaya ako na kahit ilang ulit mang mabigo't tawaging talunan, di sumusuko't tuloy ang laban. Napanghihinaan man ng loob minsan, sinusubukan pa ring humakbang to aim the successful life. Sa pagkukumahog ko sa pagguhit na may kasamang pagmamahal, kaagad din naman natapos ng walang kahirap-hirap. Pagsapit ng hapon, ibig ko sanang lumabas pagkat batong-bato, kaso may ginagawa ang ilaw ng tahanan, hindi ko ibig madagdagan ang kanyang gawain kaya kating-kati man ang paa maging dila, pinigilan ko't idinaan na lamang sa pagtitinda ang nararanasang pagkabagot.

7k-g. Maya-maya pa'y nagluto na ko. Hindi ako bihasa pagdating sa pagluluto't may pagkakataong nagugulahimanan sa paraan at namimintis subalit di ako namomoblema kung sasamahan naman ng pagmamahal at para ma-feel ng kumakain ang iyong effort at love kahit di masarap. Matapos ang pagluluto, pamamalantsa naman ang sunod na inatupag. Kinagabihan at gawa na di pa makatulog, bilang pampaantok ay naisipang makinig ng musika. Ang buhay, parang kanta't sa bawat pagbagtas ng mga liriko, inilalahad nito ang mga naging karanasan mo't pangyayaring napagdaanan. Kaya minsan, relate na relate ka sa musika kapag may pinagdaaranan. Sa labis na aliw ko sa pakikinig, di namalayang Alas-onse na't kailangan ng matulog.


33 | 26 Mayroon na lang Dalawang pu't anim na araw bago sumapit ang Pasko.


November 30, 2015
Monday
(Bonifacio Day)
Year III-334

7k-h. Araw ng kapanganakan ng ating bayani na si Andres Bonifacio na ngayon ay ginugunita. Nakakapagtaka lamang sapagkat bakit sa kaarawan niya inaalala ang kabayanihan sa halip na kamatayan? Ilang taon ko ng pinag-aaralan ang tungkol sa naging kasaysayan ng Pilipinas at paulit-ulit pa nga subalit ang tungkol diyan ay di pa naituturo't ngayon lamang ako aware. Dahil walang pasok, maliwanag na sa labas ng magising at bumangon. Matapos lamnan ang sikmurang magdamag na walang laman at dahil pawang abala ang mga magulang sa paglalaba, ako muna ang namahala sa tindahan. Habang nagtitinda, laking gulat ko ng makita ang mga damit na sinasampay ni ama na may maitim na batik-batik at ipinagtataka kung bakit nagkaroon ng ganon.

7k-i. Sabi ni Ama, pekas daw ang mga 'yon at sanhi nito ang napagpawisang damit na inamag dahil hinayaang matambak ng isang linggo. Nabahala ako't naalarma pagkat kung pagmamasdan ay nanggigitata sa kaitiman at parang sinuot ng taong grasa, mukhang di ko na ito magagamit. Sa kagustuhang matanggal ang maitim na batik-batik, nilabhan ko ang mga ito't dibdibang pinagkukusot subalit di pa rin matanggal at anong hirap. Pinapagod ko lamang ang sarili kung wala namang nangyayari kung kaya ibinabad muna. Walang magawa at upang di lamunin ng pagkabato, naisipang magbasa.

7k-j. Kinahapunan, nagtungo ako ng Recrap upang magsagawa ng Case Study. Si Marvin sana ang magiging subject ko subalit sinabi ni Melba na paliliguan pa raw ito. Umalis muna ako't nagtungo sa bahay nina Ate Bing. Saktong naroroon ang Annie pagkatungo't nagpatulong ako sa kanya. Sa una'y tila pahirapan sa akin ang kumbinsihin ito subalit kinalaunan ay pumayag ito. Hindi pa pwede si Marvin kaya sa isa pang kakilalang may kapansanan na si Arlene namin isinagawa ang Case Study. Mabuti't pumayag ang mga kaanak nito't saktong wala ito sa sumpong habang kinukuhaan kaya naging madali sa amin. Kaawa-awa ang kalagayan ng mga taong namuhay na may kapansanan sapagkat di nagagawa gaya ng nagagawa natin at nangangailangan ng malalim na pag-unawa at pagkalinga. Sumunod ay kina Bantaya naman isinagawa ang Case study subalit tulog daw ang anak nito. Bukod sa kanila'y wala ng kakilalang may kapansanan sa pag-iisip kaya umuwi na lamang. Kapag ako naging ganap na Sikolohista, bukod sa kapatid ko'y tutulungan ko ang mga taong may kapansanan upang gumaling at maging normal.

7k-k. Pagsapit naman ng gabi, pagguhit muli ang inatupag ko. Nung mga nakaraang araw, ang husay-husay kong mag-drawing subalit tila nahihirapan ngayon at di makuha ang eksaktong porma ng bagay. Kahit nahihirapan, di ako sumuko't nagpursuging tapusin ito. Dahil sa pagpupursigi'y natapos naman ito. Hindi pa dinadatnan ng antok kung kaya nag-soundtrip muna. Dahil isang buwan na lang at Pasko na, awiting pampasko ang naisipang pakinggan at damang-dama ko na ang diwa nito, mula sa malamig na panahon hanggang sa pagbibigayan at pagmamahalan ng bawat isa.


32 | 25 Dalawang pu't limang araw na lamang at Pasko na, bukas ay December na.