Sabado, Oktubre 31, 2015

34. October 2015 Journal (Day 1004-1034)

October 01, 2015
Thursday

Year III-274

7c-g. Kay tulin nga naman ng panahon at di akalaing nasa buwan na tayo ng Oktubre. Dala na napasarap muli ang tulog, malapit ng mag-ikapito ng umaga nagising at bumangon. Gawa na ako'y mahuhuli na sa pagpasok, pagdating sa eskwela't sa halip sa silid ay sa library muna ako tumuloy. Mahigit sa tatlong oras ding nanatili sa library at maya-maya pa, tumungo na ko ng silid. Wala pa nun si Sir Gelo pagkapasok kaya ang ingay, muling namamayagpag. Karamihan sa kanila, bakas sa mukha ang kasiyahan at pagkasabik pagkat sa nalalapit na Field trip bukas. Mabuti pa sila, makakasama samantala ako hindi't mananatili lamang sa bahay. Kung hindi makakasama ay ayos lamang, batid ng isip na marami pa namang darating na pagkakataon para diyan. Bahagyang tumahimik sa pagpasok ni Sir Gelo at nagturo.

7c-h. Matapos niya magturo, ipinatawag niya kaming di sasama sa Field trip. Pagkatayo, di akalaing kakaunti lamang kami't may mahalaga itong sinabi sa amin. Matapos ang napag-usapan, tumungo na kami ng ibang silid. Sa oras ng Education 6, tuloy pa rin ang pangkatang pag-uulat subalit maaga kaming pinalabas ni Sir Esguerra. Tila may pumipigil sa akin na magbihis at huwag ng ituloy ang pagsali sa Practical test sapagkat batid sa sariling di marunong maglaro ng Badminton subalit di ako nagpanaig sa kahinaan ng loob. Maya-maya pa'y nagsimula na ang Practical test at ng ako at si James (Virrey) na ang nakasalang, di ko maiwasang kabahan.

7c-i. Lalo pang nawalan sa konsentrasyon pagkat panay hiyawan ng mga kamag-aral at di lubos mawari kung bakit madalas nila akong i-link kay James (Virrey). Yung iba namang kamag-aral, sabihang kinikilig raw ako. Hindi ko maintindihan sa kanila't basta ang sa akin ay walang namumuong pag-ibig sa kanya. Labis akong nabulahaw sa kanilang hiyawan kaya karamihan sa tira'y puro sablay. Maya-maya pa, dismissal time na subalit di muna ako kaagad umuwi at hinintay pa sila Joan matapos. Sa labis na inip, darating na sa puntong ibig ng iwanan sila pagkat tingin ko'y mukhang matatagalan pa subalit kaagad din naman natapos ang kanilang practical.

7c-j. Bago umuwi'y sinamahan ko pa sina Joan patungo sa Mercury Drugs upang bumili ng babaunin nila sa Field Trip. Maging sina Joan ay kasama rin pala sa Field trip at sayang, di sila makakasama. Sa dami ng kanilang pinamili, tila di kakayaning ubusing mag-isa kundi pang-isang bus ang baon at sagana sila sa pera. Matapos ay lumarga na kami pauwi. Pagsapit ng gabi ay naging maulan ang panahon bitbit ng Bagyong Kabayan na siyang nagbigay lamig at sarap sa aming pagtulog. Masarap ngang matulog subalit di pa rin maiwasang mangamba sa takot na bumaha kapag nagtuloy-tuloy ang pag-ulan. Bukod sa malakas ang ulan ay dama rin ang pabugso-bugsong hangin at kay sungit ng panahon.


92 | 85 Walong pu't limang araw na lamang ang nalalabi at malapit na ang Pasko.


October 02, 2015
Friday

Year III-275

7c-k. Sumapit na ang madaling araw subalit wala pa ring patid ang buhos ng ulan bitbit ng Bagyong Kabayan at mukhang mauudlot na ang kanilang Field trip. Ngayong panahon ng El Niño na nagdudulot ng matinding tagtuyo at kagipitan sa buhay ay maigin ng bumagyo upang sa ganon ay maibsan ang problemang dinadanas natin, sa tubig man at maging sa mga pananim na siyang pangunahing ikanabubuhay ng karamihan sa atin. Napakalaking epekto talaga ang kakahinatnan kapag nagtuloy-tuloy ang tagtuyo at marami pa ang maaring masawi dahil sa uhaw. Kaya ulan, sige lamang at bumuhos ka pa't punan mo ang mga Dam na nasa kritikal na ang lebel, huwag nga lang magdulot ng baha. Habang papasapit ang liwanag ang unti-unting paghina ng ulan. Sa sarap ng tulog, malapit ng mag-ikawalo ng muling magising. Nakakabato ang naging umaga kaya idinaan na lamang sa patinda-tinda. Kamusta kaya mga kamag-aral ko, natuloy kaya ang Field trip nila.

7c-l. Pagkatingin sa Facebook, tuloy nga't may nai-post agad sa mga napuntahan nila na siyang nagpalugmok sa akin sa kalungkutan at inggit. Mabuti pa sila, nagpapakasasa sa kasiyahan at grabe, di maiwasang kaawaan ang sarili. Kung di lamang dinapuan ng sakit at naipamahagi sa pambili ng gamot, bakit di ako sasama. Iniisip ko rin na puro na kami gastos at ibig ng magpahinga ang mga magulang mula dun kaya di na nagawa pang ipilit ang sariling sumama. Pilit na iniisip na ayos lamang ito, pero di pa rin maiwasang malungkot.  Ganito na lang parati ang buhay, puro kalungkutan ang tinamatasa, pakiramdam ko, wala ng pag-asa na masusumpungan pa ang kasiyahan at hanggang dito na lang umiikot ang buhay. Idinaan na lamang sa panonood ng pelikula upang ibsan ang nadaramang lungkot. Kailan kaya mararanasan ang saya na siyang di kayang iwaglit sa isipan at pangmatagal?


91 | 84 Walong pu't apat na araw na lamang ang nalalabi at Pasko na.


October 03, 2015
Saturday

Year III-276

7c-m. Dakong ikaanim na ng umaga ako nagising. Tanging kami lamang ang mga di sumama sa Field trip ang may pasok ngayon, tinatamad man subalit bumangon pa rin ako at nag-almusal. Pagdating sa Eskwelahan, di na nadatnan pa sa silid ang ilang kamag-aral maging si Ma'am Ria, hinanap ko sila. Habang aligaga sa paghahanap sa kanila ay saktong nakasalubong sina Joan. Laking taka ko lamang kung bakit may pasok sila't halata sa mukha na hapong-hapo't ibig ng magpahinga. Nanatili muna ako sa silid ng mga Dash 1 at tamang palitan lamang ng kuro-kuro. Umalis din ako kaagad ng pumasok si Sir Esguerra. Wala akong ginawa ng mga oras na iyon kundi hanapin si Sir Gelosa mga silid at ng ito'y masumpungan, nanatili muna at hinintay siya. Maya-maya pa'y lumabas na ito't magkasamang nagtungo sa Guidance office, palaisipan sa akin kung ano ang ipapagawa niya sa akin. Kay dali't iyon ay magwaswasto lamang ng test paper subalit napanghinaan ako ng loob pagkat ang dami't mukhang di kakayaning tapusin ng ngayon lang.

7c-n. Matapos niya kong bilinan ay sinimulan na ang pagwawasto. Habang di na magkandaugaga sa dami ng tsinetsekan ay di akalaing aalukin ako ni Sir Gelong pagkain. Sa hiya ay nagawa pang tumanggi subalit sadya itong mapilit at binalaang ibabagsak, pumayag na ko. Ibang klase din si Sir Gelo at di lang mabait kundi napakabait pa. Di pa ko nun nagugutom kaya di muna nilantakan ang binigay na pagkain at nagpatuloy sa pagwawasto. Sumapit na ang tanghaling tapat subalit wala pa sa kalahati ang naiwawasto, dala na kumakalam na ang sikmura'y itinigil muna't kumain. Pagkabalik ng Guidance ay saktong naroroon si Trisha Jane at kinumbidang dumalo sa Debut ni Joan mamaya. Sa saya ay agaran akong pumayag, may ilang bagay pa kaming napag-usapan bukod pa roon kaya di ako makagpasimula sa pagtitsek.

7c-o. Bukod kay Trisha Jane ay nandun din si Gilbert, masaya sila kahuntahan kaya di maituon ang pokus sa ginagawa. Dakong Alas-tres ng itigil ko ang pagti-tsek. Mugto na ang mga mata sa antok kaya di ko maiwasang maidlip sa guidance. Sa sarap ng tulog na halos di na maawat ang sarili, si Sir Gelo na mismo ang gumising sa akin. Hindi muna ako umalis at hinintay na makapagbihis sina Glenn at Trisha Jane. Pagkabihis ay tumulak na kami patungo sa bahay nina Joan. Sa nilayo-layo ng biyahe, dakong Alas-sais na kami nakarating sa kina Joan. Di gasinong engrande ang naging Debut party ni Joan at kami-kami lamang na kaibigan at kamag-anak niya ang imbitado, gayunpaman ay masaya pa rin at makabuluhan.

7c-p. Tamang kuhaan lamang ng litrato kasama niya bago magsimula ang kainan at dami nilang alam na post. Maya-maya pa'y tsibugan na't sa dami ng nakahaing putahe sa mesa'y di maiwasang matakam, nawalan na tuloy ng hiya sa paglantak. Nang mabusog mula sa kainan ay nakipagkilala kami sa kanyang mga kaanak at kaibigan. Ang kaninang nagpapakilala lamang, nauwi sa tawanan at biruhan, kaya ang buong bahay nina Joan ay balot na sa kaingayan at siksikan na rin. Yung mga kaibigan ni Joan, ako ang ginawang payaso't panay hirit na sumayaw.

7c-q. Batid sa sariling parehas kaliwa ang paa kaya di ko sila mapagbigyan pero bumigay din sa huli't nasarapan sa pagkendeng. Lalo pang umingay dahil sa tawanan at pakiramdam ko, napasaya ko sila kahit pakiwaring nalulubog na sa kahihiyan. Dati iniisip ko na hanggang ganito lamang ang takbo ng buhay subalit nagkamali ako at may isasaya pa pala. Lumalalim na ang gabi't sa takot na maulanan ng mapupusok na sermon ni ina, nagpasya ng magpaalam sa kanila. Ang saya-saya ng gabi ko dahil sa kanila kahit di ako ang may birthday. Dakong ikasampo na ng makarating sa bahay at dala ng pagod, kaagad ng natulog.


90 | 83 Walong pu't tatlong araw na lamang at Pasko na.


October 04, 2015
Sunday
Year III-277

7c-r. Umatake muli ang sipon ko na siyang sumira sa masarap kong tulog, maliwaliwanag na sa labas kaya kaagad ng bumangon at nag-almusal. Kahit masama ngayon ang timpla ko ay nanatili pa ring maganda ang umaga pagkat di pa rin limot ang kahapon at lalo pa ngang sumasaya ang araw ko sa tuwing maaalala iyon. Tama sila, hindi sa lahat ng pagkakataon ay puro kalungkutan at pagdurusa ang dadanasin mo habang nabubuhay, dumadating din ang bagay na siyang magpapaligaya sa'yo ng di ito inaasahan. Sa oras ng kalungkutan, di dapat mawalan ng pag-asa at laging isaisip na malalampasin mo rin iyan. Parang ulan lamang ang nararanasang kalungkutan na minsan ay umiiral at minsan ay ligaya naman ang nangingibabaw. 

7c-s. Sa labis kong pagkabato, ibig ko sanang gamitin ang malaking biyas na ipinagkaloob sa gawaing bahay kaso ikanakatakot ang kahihinatnan ng kalusugan at baka lumala pa ang sipon, naupo na lamang ako't iginugol ang sarili sa paglalaro ng Cellphone. Pagkatapos ay pagtitinda naman ang siyang inatupag. Maging sa pagsapit ng tanghali'y di pa rin ako nilulubayan ng sipon at mukhang magkakasakit muli na ayaw namang mangyari pagkat panibagong gastos muli ang kakaharapin. Di ako masyadong nagkikilos-kilos at nagpahinga ng sa gayo'y di matuloy ang pinangangambahang sakit. Humupa naman ang pagkakaroon ng sipon pagsapit ng hapon na siyang nagbigay ginhawa sa aking pakiramdam. Balak sanang lumabas, kaso naging maulan naman sa maghapon.

 7c-t. Hindi ko mawari at sa tuwing may balak ay parati na lang may bumabalakid. Panonood naman ng telebisyon ang inatupag pagsapit ng gabi. Bago pa man matulog at gawa na di pa dinadalaw ng antok, naisipan pang manuod ng pelikula. Nakakakilabot talaga at muntikan ng tumindig ang mga balahibo habang tutok ang mata sa palabas na pinamagatang Tarot. Kahit nahanap niya ang nawawalang kasintahan sa pamamagitan ng mga Tarot, buhay naman ng mga mahal nito ang kapalit sa tuwing ginagamit ang mga iyon upang mahulaan ang magaganap sa hinaharap. Dahil sa horror movie ay tila ayaw ng matulog pagkat di mawala ang takot.


87 | 82 Walong pu't dalawang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 05, 2015
Monday

Year III-278

7c-u. World teacher's day, hanga din ako sa kasipagang ipinapakita ng mga guro sapagkat sa kabila na puro hirap at pagod na ang dinaranas nila sa maghapong pagtuturo ay di pa rin sumusuko't determinadong matuto ang kanilang tinuturuan. Kahit na di gampanin ng mga guro na ipagtanggol ang ating bayan ay matatawag pa rin silang bayani sapagkat sila ang dahilan kung bakit tayo natututo sa mga bagay-bagay at inaahon mula kamangmangan. Kung wala sila, paano na kaya tayo at sino ang magtuturo sa atin? Kahit na di biro ang kaakibat na responsibilidad bilang guro at mababa pa ang pasahod, mabuti nga't may mga tao pa ring handang magturo't maglingkod sa mga walang alam. Nararapat lang na ilaan ang araw na ito para sa mga guro sapagkat bukod sa sila ang nagbibigay kaalaman sa atin, maituturing ding ikalawang magulang at sa pagpapayo ibubuhos ang pagmamahal. Kung ako lang ang nasa katayuan ni Noynoy, ipapanukala ko na taasan ang sweldo ng sa ganon ay dumami pa ang maenganyo na maging guro at matulungan ang mga batang naliligaw ng landas dahil sa kakulangan ng edukasyon. 

7c-v. Bukod pa roon ay tutulungan ko sila sa mga hakbang na layuning itaas ang kalidad ng edukasyon. Masasabi ngang ang mga guro ay susi sa kaunlaran ng bayan samantalang pag-asa naman ng bayan ang mga bata. Maliwaliwanag na sa labas ng ako'y magising. Tambak muli ang hugasin sa lababo't nanggigitata pa sa karumihan ang buong sahig kaya ng malamnan ang sikmura ay agad ng inaksyunan. Matapos gampanan ang gawaing bahay ay diretso tungo ako sa Computer shop. Hindi ko lamang naibigan ang pakikitungo ng nagbabantay sapagkat dinaig pa ang babaeng may dalaw kung magsungit. Sa inis ay darating na sa puntong ibig ng patulan pero pinigilan ko hanggang sa mag-usap kami ng matino. Sa sarap nito kausap, nawala na ang konsentrasyon ko sa pagkukumpyuter at di mapigilan ang bibig na ibuka. 

7c-w. Dakong tanghali na ng makarating sa bahay, mapupusok na sermon ni inay at itay ang abot subalit di naman nagtagal at lumala. Kaagad na kong nananghalian at matapos, pamamalantsa ang inatupag. Habang namamalantsa'y nakaramdam ako na tila nananamlay, pagod lang marahil ako kaya idinaan sa tulog matapos mamalantsa subalit pagkagising, nananatiling matamlay at tila ninakawan ako ng lakas. Gawa na nanghihina, di ako nagkilos-kilos. Bukod sa nanghihina'y parang lalagnatin pa't magkakasakit nanaman marahil. Umigting pa lalo ang pagsama ng pakiramdam pagsapit ng gabi subalit di ako nagpahalata kila Mama sa takot na maulanan muli ng sermon. Sa sama ng pakiramdam, di na nagtagal pa upang ibabad ang mata sa panonood ng telebisyon at kaagad ng natulog. Gawa lamang marahil na kulang sa pahinga kaya ako nanghihina.


88 | 81 Walong pu't isang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 06, 2015
Tuesday
Year III-279

7c-x Pagsapit ng madaling ng magising na nginig na nginig sa ginaw at di mapigilang mamaluktot kahit balot na ng kumot. Inaapoy na pala ng lagnat ng mga oras na iyon subalit hinayaan ko lamang at natulog. Bumaba naman ang lagnat ko pagsapit ng umaga subalit di pa rin nanunumbalik ang dating lakas at hinang-hina. May dissection pa naman kami ng Pusa't di ako maaaring lumiban, pinilit pa ring bumangon kahit nanghihina. Bukod sa nanghihina, masakit din ang ulo ko't parang naduduwal pa. Hindi mawari kung bakit ganito ang pakiramdam ko. Maya-maya at habang nagbibihis, di ko na mapigilang magsuka, lalo pa tuloy sumidhi ang pananamlay. Nilabanan ko ang katamlayan at nagpatuloy sa pagpasok subalit pagdating sa eskwela't sa labis na panghihina, di na kinaya pang maglakad at nabuwal na ko. Mabuti na lamang at may nakakita sa akin at inalalayan hanggang makarating ng Gate. Pakiramdam ko ng panahong iyon ay hapong-hapo't ibig parating nakaratay, maging mga gamit ko'y walang kakayahang buhatin. Bukod sa kanya'y inalalayan na rin ng gwardiya.

7c-y. Sa laking bulas ay tila pahirapan sa kanila ang dalhin ako sa Clinic. Laking pasalamat sa kanila sapagkat pinamalasakitan nila ako. Sa dalas na tamaan ng kung ano-anong mga sakit ay suki na ng Clinic. Kung tutuusi'y di ko na ibig ang manatili roon subalit walang lakas na tumanggi, doon pa rin ang bagsak ko. Pumasok pa ko kung sa Clinic naman ang tuloy. Makakapagpahinga sana ako ng maayos subalit hindi sapagkat ang ingay, nagtiyaga na lamang. Tatlong oras ring naratay sa Clinic at maya-maya pa, dumating na si Mama at ako'y sinundo. Kahit paano'y lumakas-lakas na kaya di na kailangan pang magpaalalay kay inay subalit dama pa rin ang pananakit ng ulo. Kaagad akong nagpahinga pagdating ng bahay at walang ginawa kundi matulog.

7c-z. Pagsapit ng hapon, nanumbalik muli ang lagnat ko't mas mataas pa kung ikukumpara kanina na halos ikatupok na. Pagkalapat ng gamot, agad naman itong bumaba subalit umakyat muli pagsapit ng gabi. Di naman ako sinisipon o inuubo subalit nilalagnat at nakakaramdam pa ng pananakit ng ulo, palaisipan sa amin kung anong sakit ang dumapo sa akin at iniisip na baka Dengue na ito. Bukod sa nilalagnat, nasusuka din ako kaya di magawang kainin kung anuman ang nakahain sa mesa at kung kakain man ay kakarampot lamang. Hirap talaga ng kalagayan kapag may sakit ka't panibagong gastos muli, kaya sila Mama ay problemadong-problemado at di na alam kung saan kukuha. Kung may kakayahan lamang akong pagalingin ang sarili, napagaling na ng sa ganon ay matapos na ang alalahanin at di na makaabala pa sa kanila, patawarin sana nila ako.


87 | 80 Walong pung araw na lamang bago sumapit ang Pasko't nawa'y pagalingin ako ng maykapal sa aking karamdaman.


October 07, 2015
Wednesday

Year III-280

7d-a. Bumaba na ang temperatura ng katawan subalit tila tintang di mawala-wala ang sakit ng ulo't nasusuka pa. Bukod pa roon ay hinang-hina pa ko't madalas ay nakahiga. Dahil sa iniindang karamdaman ay di ko magawang itindig ang sarili at buong umagang nakaratay. Maya-maya pa'y bigla na lamang ako nagsuka. Nakadagdag pa sa pagkahilo ko ang maalinsangang panahon at pakiramdam ko, parang sinisilaban. Kahit nasusuka ay pinilit pa ring kumain subalit bawat kainin ay naisusuka lamang at wala din. Sila Mama at Papa naman, pinag-isipan ng isugod ako sa Ospital. Batid kong dagdag gastos pa kapag na-admit  sa hospital kaya panay tanggi ako't sinabing idaan na lamang sa pahinga subalit kagustuhan pa rin nila ang nasunod at sa takot na rin na baka lumala ang kalagayan ko. Dakong magtatanghali na ng mapagpasyahan namin ni Papa na magtungo sa ospital na malapit sa SM Fairview

7d-b. Kahit mistulang lantang gulay na nanlulupaypay ay pinilit pa ring ikilos ang sarili. Sa haba ng biyahe, dakong Ala-una na kami nakarating sa Commonwealth General Hospital at agad na dumeretso sa Emergency room. Matapos ang higit sa labing-dalawang taon ay ngayon muli ako nilapatan ng Dextrose. Habang naka-dextrose ay nanumbalik muli ang lagnat ko. Malamig pa naman kaya labis akong giniginaw at balot ang buong katawan ng kumot. Humupa naman ang lagnat ng may itinurok sa akin na gamot subalit tila may nararamdaman akong kakaiba't di maipaliwanag, parang naiinitan at di mapakali. Kailangan pang eksamanin ang dumi ko sabi ng Doctor kaya kahit di nadudumi, pinilit pa rin. Inabot pa ng dalawang oras bago lumabas ang resulta't sinabi na may Virus ako kaya nararanasan ito. Pagkabigay ng form at reseta, kahit di pa nauubos ang Dextrose ay kaagad ng idinis-charge.

7d-c. Kahit paano, nanumbalik na ang lakas ko't umigi-igi ang pakiramdam kaya nagagawa ng magkikilos-kilos. Bago umuwi, tumungo pa kami ni Papa ng SM at bumili ng mga gamot. Dahil sa sangkaterbang gamot na kailangang inumin, halos na mabutasan na ng bulsa si ama, nagi-guilty tuloy ako. Malapit ng gumabi ng makarating kami sa bahay. Ang inakalang mabuti na ang pakiramdam, nagkakamali dahil muli akong tinamaan ng lagnat. Bukod sa inaapoy ng lagnat, sunod-sunod din ang aking pagdumi. Laking pagsisisi namin at dapat ay hinayaan munang magpa-confine hangga't di pa lubusang magaling.


October 08, 2015
Thursday

Year III-281

7d-d. Madaling araw na subalit di pa rin makatulog ng maayos dahil sa pananakit ng tiyan, at makailang ulit ng pabalik-balik ng banyo, malatubig lang naman ang pagdumi ko. Bukod sa walang humpay ang pagdumi'y nahihilo rin at tila nasusuka. Hindi ko na alam kung ano na ang nangyayari sa akin, mamatay na marahil na ayaw ko pang mangyari. Pamaya't maya ang balik ko sa banyo't di na nga makatulog ng ayos. Dahil sa walang humpay na pagdudumi, nagawa muling lumiban ng klase. Si ina naman, walang ginawa kundi dumada't panay ang paninisi kay ama. Akala ko talaga kahapon, ayos-ayos na't malakas na kaya nagawa ng lumabas subalit di pa pala natatapos ang kalbaryong hatid ng sakit at lalo pa ngang lumubha.

7d-e. Sumapit na ang umaga subalit wala pa ring patid ang pagdumi ko't nakailang balik na ng banyo, marahil ay tinamaan na ko ng Diarrhea. Upang hindi ma-dehydrate ay walang ginawa kundi lumagok ng tubig na hinaluan ng Oresol sa bawat pagdumi. Kahit painumin ako ng pangontra dehydration kung naidudumi naman, wala rin at nanghihina ako. Dahil lumalala na ang pagdurumi ko't nagsusuka pa, naisipan muli nila ina na ibalik ako sa hospital subalit di ako pumayag. Para sa akin, ito na ang pinakamatinding Diarrhea na tumama sa kasaysayan ng buhay sapagkat maraming beses ng dumumi't animoy nasa bingit na ng kamatayan pagkat nauubusan na ng lakas subalit lumaban ako.

7d-f. Humupa naman ang pagdurumi pagsapit ng tanghali subalit nanghihina pa rin. Pagsapit ng gabi, nagdumi muli ako ng walang puknat, labag man sa kaloobang magpaospital ay di na nakatanggi pa't kahit dis oras na ng gabi'y dali-dali kaming tumungo ni Papa sa hospital. Sa Commonwealth General Hospital dapat kami tutungo kaso sa mahal ng bayarin, naisipang sa East Avenue Hospital na lamang magpa-admit. Pagdating mismo sa mayEmergency room doon sa East Avenue Hospital ay halos wala ng mapaglagyan sa dami ng mga pasyenteng nakaratay at mistulan na ngang sardinas. Kaawa-awa ang kanilang kalagayan kung pagmamasdan at samu't saring karamdaman ang makikita. Bukod pa roon ay may isa ring pasiyenteng nakitang mangiyak-ngiyak na sa labis na sa sakit.

7d-g. Ganoon pala ang kakaharaping sitwasyon kapag sa East Avenue at mukhang pahirapan ang gagawin. Mahirap talagang magkasakit pagkat sakit sa bulsa ang kakarahapin. Kahit nasa ospital na'y patuloy pa ring nararanasan ang paghilab ng sikmura kaya pamaya't maya ang sugod sa banyo. Maging pagdumi roon ay pahirapan din sapagkat walang pangsalok malayo pa. Kahit mas mura ang bayarin ay hirap naman ang 'yong dadanasin at di pa masyadong naaasikaso sa dami ba naman ng pasiyente. Maya-maya pa'y tumungo na kami ng laboratory upang eksaminin ang dumi. Kung kailan kailangan ng dumi, saka naman ako di madumi't marahil ay naubos na. Hindi muna kami umuwi't hinintay na dumumi muli. Maghahating-gabi na at sa antok, doon na kami natulog.


October 09, 2015
Friday

Year III-282

7d-h. Nagising ako dahil sa paghilab muli ng sikmura mga dakong Alas-dos ng madaling araw. Kahit may kalayua'y dali-dali pa ring tumungo ng banyo. Namamayani man ang pandidiri'y kailangan ko itong gawin muli't nakaraos din matapos dumumi. Pagkabigay ng dumi sa laboratory, ipinagpatuloy ko ang pagtulog. Malapit ng sumikat ang bukangliwayway ng muling magising at sa wakas, may resulta na sa kinuhaang dumi't doon nalamang may taglay itong Bakterya. Kaagad kaming tumungo sa Clinic. Sinabi ng doktor na kapag nagtuloy-tuloy pa raw ang pagdurumi'y maari na kong i-admit sa Emergency Room. Hiling ko lamang na humupa na ito ng di na mai-admit pa, siksikan pa naman roon at paniguradong di magiging masarap ang tulog pagkat dikit-dikit.

7d-i. Umalis na kami ng maresetahan ng gamot. Di na nanghihina pa't di na rin madalas ang pagdurumi kaya babalakin ng pumasok ngayon subalit pinigilan nila ina. Tanging lugaw at Saging lamang ang agahan ko, sa tabang ng lugaw ay di ko dinamihan ng kain. Matapos kumain ay kaagad ng nagpahinga. Buong maghapon akong nagpahinga't sa paglipas ng sandali ang unti-unting pagbuti ng pakiramdam. Gaano man kalubha ang napagdaanan kong karamdaman nitong mga nakalipas na araw na tipong nasa bingit na ng kamatayan ay di akalaing nakaya iyong lampasan at nagpapasalamat sa maykapal sapagkat gumagaling na't di niya ko hinayaang malagutan ng hininga't binigyan pa ng pagkakataong mabuhay. Ang kahapong halos di na makagalaw dahil sa labis na panghihina, ngayon ay masigla na't kaya ng magbuhat subalit di pa maari.

7d-j. Wala akong ginawa kundi humiga't magpalakas. Pagsapit ng gabi ang muling paghilab at kulo ng tiyan ko na tila kinakabag. Sa puntong iyon ay kinakabahan ako sa kung anong pwedeng mangyari hanggang sa di na mapigilang dumumi. Ayaw ko ng mag-alala pa si Mama at di na ibig pa ang maospital, tikom ang bibig sa kung ano ang nararanasan. Kaagad naman naibsan ang pananakit ng sikmura't akala ko'y magtutuloy-tuloy muli. Matapos manood ng telebisyon, kaagad ng natulog.


84 | 77 Pitong pu't pitong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 10, 2015
Saturday
Year III-283

7d-k. Huling araw na ng pagkikita namin sa mga Professor para sa Semester na ito't sa dami na rin ng absent ay di na pupwede akong lumiban ng klase. Malakas-lakas na't mukhang magaling na nga kaya napagpasiyahan ng pumasok. Mangilan-ngilang kamag-aral ko pa lamang ang nasa silid pagkaalpas sa Unibersidad at ipinabatid sa akin na di na magtuturo pa si Ma'am Ria. Tumingo muna ako sa Clinic at Guidance office upang ipasa ang Medical Certificate at humingi ng Excuse Slip. Sa ginagawa ko ito na nagkukumahog ay di na marahil malalagyan ng FDA kahit sangkaterba na ang mga araw na di ako nakakapasok. Pagkabalik sa silid ay saktong nandoon na si Ma'am Ria at bigla niya kong tinawag. May kung anong kaba ang bumalani sa dibdib, akala ko kung ano subalit may tsinika lang pala kaya natawa ako. Gawa na magkakaroon pala ng mahabang pagsusulit sa Cognitive Psychology, tumungo kami ng Library at sinamantala ang oras sa pagrerepaso.

7d-l. Hindi naman ako makapagrepaso ng maigi sapagkat panay sa pagbuka ng bibig ang mga kasamahan, bukod pa roon ay di din pumapasok sa utak ang inaaral, mukhang mangangamote ako mamaya. Hindi nga ko nagkamali at ng sumalang na sa pagsusulit ay halos mapakamot ng ulo habang sumasagot, hinulahulaan na lamang at baka sakaling tsumamba. Maya-maya, pinayagan kami ni Sir Gelo na mag-open notes subalit limang minuto lang ang ibinigay, may paspasan tuloy kami sa paghahanap ng mga sagot. Matapos ay Checking na't panay ang kabog ng kaba sa dibdib subalit di ko naman nakita ang resulta.

7d-m. Ilang sandali pa'y dumako na kami sa ibang silid. Sa oras ng Education 6 ay nagrepaso lamang kami, ang bait talaga ni Sir Esguerra at nag-abala pa itong gawan kami ng Reviewer. Dahil ito na ang huling araw na makikipagkita kami kay Sir EsguerraGroupie kaming magkakaklase kasama niyq. Matapos ay kanya-kanya ng labas. Sa halip na umuwi'y hinanap ko pa si Sir Jigo upang ipakita sa kanya ang Excuse letter. Pagkahanap at harap sa kanya'y di inasahang pakikitaan niya ko ng init ng ulo. Sa halip na kilig ay natakot talaga ako't di magawang tumitig ng tuwid sa kanya. Di ko na tuloy naipakita ang excuse letter sa takot na punutin ito. Hindi man lamang ako pinakinggan kung ang dinanas ng panahong may sakit at nagpanguna sa galit. Natakot man subalit di naman gasino pagkat nandun si Ma'am Ria at batid na may reresbak sa akin.

7d-n. Mabuti pa si Ma'am Ria na kahit kinatatakutan ng halos lahat ng Psychology Student dahil sa pamamaraan ng kanyang pagtuturo at buwis buhay pa magpa-eksam ay may konsiderasyon pa rin pagdating sa mga ganyan at nakakatuwa pa kausap. Kita ko sa mukha niya ang pagkabanas kaya nawalan na ng lakas loob na kibuin ito. Gwapitong guro nga, madalas naman kumulo ang dugo. Naiintindihan ko naman siya kung bakit ganoon reaksyon, sa tagal ba naman na di niya ko nakikita at marahil ay na-miss niya lang ako. Sa pagod, diretso tulog ako pagdating ng bahay. Pagsapit ng gabi, kay gandang kwento muli ang nasubaybayan sa MMK. Kahit di nila kaano-ano ang baklang palaboy-laboy ay nagawa pa rin nila itong kupkupin at ituring na parang tunay na pamilya, bukod pa roon ay siya din ang nagbibigay saya at ginhawa sa buhay nila't halatang maaasahan. Matapos ay kaagad na kaming natulog. 


83 | 76 Pitong pu't anim na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 11, 2015
Sunday
Year III-284

7d-o. Medyo napasarap muli ang tulog gawa na lumalamig na ang panahon kung kaya maliwaliwanag na sa labas ng magising. Kay sigla muli ng pakiramdam ko na tila di dumanas ng pagkakasakit at salamat sa maykapal dahil nalampasan ko ang karamdamang nagpahirap sa kalagayan ko't nagpasakit sa bulsa ng magulang. Gawaing bahay kaagad ang siya kong inatupag sa umagang iyon. Saka lamang tumigil ng masiguradong malinis na. Sumunod ay pagbabantay naman sa tindahan ang inatupag ko. Kahit mga menor de edad pa lamang at di hamak na mas matanda sa kanila'y grabe ang kabataan sa amin kung makahithit-buga ng Sigarilyo't animoy di na aabutan ng bukas, pamaya't maya ang bili't di pa man sumasapit ang hapon ay mauubos na ang panindang sigarilyo. Ang di nila alam ay unti-unting pinapatay ang sarili habang ginagawa iyon.

7d-p. Wala naman akong magagawa pagkat buhay nila iyon. Kung ako lamang ang masusunod, hindi kami magtitinda ng sigarilyo. Sayang naman ang kita kaya labag man sa kalooban ay nagawan ko pa rin sila pagbentahan. Pinili nila iyon at di ko na kasalanan kung malagay sa peligro ang kalusugan nila. Dahil di pa kami nakakapagpasa ng utak ng pusa gawa na ako'y nagkasakit, mahirap man itong gawin at nakakakonsensiya'y lakas loob kong binuksan ang nakaselyong bangkay sabay nilagare ang bungo. Sa tigas ng bungo'y pahirapan sa akin ang kuhain ang utak at magkandaubos ang lakas sa kakalagare. Nagpadagdag pa sa hirap ang amoy ng Formalin at nakakaliyo kahit nakasuot na ng Mask. Nakuha naman ang utak kinalaunan, iyon nga lang ay di ito buo't putol ang Spinal Scord. Gayunpaman ay tila nabunutan ako ng tinik at guminhawa ang paghinga sapagkat matapos ang limang buwan na nagtitiis dahil sa amoy ng Formalin habang isinasagawa ang dissection, sa wakas at natuldukan na rin.

7d-q. Naawa lamang ako sa pusa pagkat lasub-lasub na ang katawan nito at inaamag pa. Matapos ay inilibing ko na ang mga ito't goodbye dissection! Hirap pala ng kinuha kong kurso, di dahil sa mga lesson kundi kailangan pa namin mag-dissect at eksperimentuhan ang mga hayop pagkat may Zoology samantalahang di naman namin iyon magagamit bilang Psychology, di ko maintindihan. Sa antok at hilo na rin, diretso Siyesta ako matapos kumain. Kinagabihan at gawa na batong-bato kapag walang magawa, panonood ng telebisyon ang naging libangan ko. Labis akong naaliw sa Your Face sounds familiar habang ginagaya ng mga kalahok ang bawat Icon singer na matapat sa kanila't kung pagmamasdan ay hundred percent kamukha nila maging sa gawi ng paggalaw.

7d-r. Sa lahat ng nasubaybayan kong kalahok na nag-perform ay tanging kay Denise Laurel ko lang na-appreciate ang kanta't kahit di lagyan ngprosthetic ay kamukha pa rin si Lea Salonga at panalo ang boses, kaso di naman siya pinalad manalo kundi si Sam Conception at labis ang aking pagkadismaya. Nagtabla na nga silang dalawa subalit ng si Sam ang magbigay ng puntos, di nito ibinigay kay Denise samantalang sabi nito na dapat ay sa kanya raw. Pakiramdam ko, sinadya niyang di ibigay kay Denise, para lang siya ang manalo. Hindi bale't iyon na ang huling pagkakataong mananalo siya, masyadong palalo't di naman maayos at maganda ang kanta niya't pangkanto pa, palibhasa'y asal aso kasi! Sa banas, ibig kong mag-tweet kaso namang Tweeter. Matapos ay natulog na ko. 


82 | 75 Pitong pu't limang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 12, 2015
Monday

Year III-285

7d-s. Sa halip na ilaan ang araw na ito upang makapagpahinga't magrepaso para sa nalalapit na Final Exam ay kailangan pang magtungo sa Eskwela upang magpasa Specimens. Tinatamad man ako subalit kailangan itong gawin alang-alang sa matatamong marka't sa layunin na ring makapasa. Dakong ikapito na ng magpasyang bumangon at nag-almusal.  Matapos ay agaran ng nagbihis at tumungo sa Eskwela. Pagdako ko sa eskwela, saksakan sa haba ang pila ng mga estudyanteng ngayon pa lamang magbabayad ng pangmatrikula't kukuha ng permit. Dahil sa siksikan na rin, sapalaran sa akin ang kumilos. Kaagad ko naman naipa-check kay Sir Patrick ang nakagarapong utak maging lamang loob nito, iyon nga lang ay problema naman sa akin kung saan ito itatapon. Itatapon ko sana ang mga iyon sa gubat, kaso'y sinita ako.

7d-t. Sa bigat ay tila pasakit sa akin ang bitbitin iyon, walang magagawa kundi magtiyaga. Habang pabalik ako'y saktong namataan sina Joan, nakisabay ako sa kanila subalit nabanas lamang kay Joshua, paano'y kada pasasalita, parati nitong binabara't buwisit talaga ako ng araw na iyon. Kahit buwisit na, hinayaan na lamang ito't di na pinatulan pa. Di pa ko kaagad umuwi't hinanap pa si Sir Jigo pagkat may mahalaga akong sasabihin sa kanya. Pagkatungo sa may Faculty, sina Ma'am Joyce at Ma'am Trisha lamang ang nadatnan ko. Sinabi nilang may binili lamang ito, naghintay ako subalit sa tagal at gutom na rin, naisipan munang umalis at kumain. Di ko pa rin siya namataan pagkabalik roon, naisipan ng puntahan kung saan ito nagtuturo subalit bigo kaming magkita. Ano ba ito at mukhang pinagtataguan niya marahil ako.

7d-u. Sa kakalakad, mahanap lamang siya, napagod ako. Naghintay ako hanggang hapon subalit ni anino niya'y di ko masilayan, umalis na lamang. Bago umuwi'y nagpa-zerox muna ako. Minalas lamang ng bahagya pagkat naubusan ako ng pera sa dami ng pina-zerox. Mabuti na lamang at nandiyan sila Glenn at lakas loob na nangutang, mabilis pa sa guhit ng kidlat ang pagpapautang nila sa akin at laking pasalamat talaga pagkat kay bubuti ng kalooban nila. Dati, pakiramdam ko'y wala ng taong handang pagmalasakitan ako maliban sa mga kapamilya, pero mayroon pala't nakita ko iyon sa kanila. Dakong Alas-tres na ng makauwi ako. Kinagabihan at dahil bukas na ang pagsisimula ng pagsusulit, sakripisyo muna sa panonood ng telebisyon at walang ginawa kundi magsunog-kilay. Nang antukin, saka lamang ako natulog.


81 | 74 Pitong pu't apat na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 13, 2015
Tuesday

Year III-286

7d-v. Di pa ring mapigilan ang kabahan sa dibdib sa kabila na nakapagrepaso ako. Bagsak pa ang mga mata sa antok na kay hirap imulat subalit kailangan ko ng bumangon. Statistical Science ang pagsusulit namin ngayon, patay nga lamang sapagkat di pa nakakapagrepaso sa asignaturang iyon, ano kaya ang isasagot. Hiyang-hiya naman ako kay Sir Jigo kapag nakakuha ng mababa kaya napagpasiyahang huwag ng dalahun at kumuha na lang ng special exam upang mabigyan pa ng sapat na panahon na makapagrepaso. Itutuloy ko na sana ang balak kaso pagdating sa eskwela, ipinabatid sa akin ng ilang kamag-aral na wala kaming pagsusulit kundi gagawa lamang ng Data. Kaagad akong nanghina't kinabahan pagkat wala pa kaming nasisimulan at ngayon na pala ang pasahan nun.
  
7d-w. Tila nabunutan ako ng tinik sa lalamunan pagkat may nagawa na ang kagrupo ko't kailangan na lamang ayusin. Dahil walang ideya sa kung anong ginagawa nila, para akong tangang nakalingon at di man lang magawang tumulong. Pasalamat na lamang at mautak ang kagrupo ko dahil kung hindi, problema ang kahihinatnan. Naging abala ang halos lahat sa kamag-aral sa paggawa ng data at sa dami, di naming napansing nakapasok na ang susunod na gagamit, kinailangan ng lumabas. Dahil sa tulong na rin ni Joy na kahit di namin kagrupo, maaga naming natapos ang data ng walang kahirap-hirap. Kaginhawaan sa dibdib ang nakamtan ko't wala ng aalalahanin pa. Sa halip na diretso bahay ay tumungo pa ko ng bayan upang magpagupit. 

7d-x. Sa dami ng kliyenteng gugupitan, inabot na ng tanghaling tapat sa pag-uwi. Lugmok man ang mga mata sa pagod at ibig na ng katawang magpahinga subalit di ko maaring sayangin ang nalalabing oras sa pagrerepaso. Maghapon akong nagsunog-kilay subalit sa halip na pumasok sa isip ang inaral ay inaantok lamang ako. Bakit kaya ganon, sinasaisip ko naman ang bawat detalye pero madaling nakakaligtaan. Kahit may pagkapurol ang kukote, di pa rin nawalan ng ganang mag-aral at nagkukumahog hanggang sa sumapit ang gabi. Labis ng umiiral ang antok sa mga mata kaya di na nagawa pang magpuyat at nagpasya ng matulog.


80 | 73 Pitong pu't tatlong araw na lamang at Pasko na.


October 14, 2015
Wednesday

Year III-287

7d-y. Namamayagpag na ang haring araw sa labas ng dumilat ang dalawang mata. Napakarikit ng panaginip ko't nawa'y maulit pa iyon sa muling pagtulog. Pagkabangon, agaran ng nagrepaso. Sa totoo lamang, katamad mag-aral kung ang iyong inaaral ay di naman tumatatak sa isipan at nakakaantok pa. Ginawa ko na ang lahat ng istratehiya, inunawa, kinabisado at sinaisip ang bawat binabasa subalit wala pa rin. Pero kapag siya na kahit di ko naman kinakabisado, di magawang limutin ng isipan. Darating na sa puntong ibig ng sumuko subalit di ko magawa't ipinagpatuloy ang pagrerepaso. Bahala na mamaya sa isasagot at malaki ang tiwalang tutulungan ng panginoon. Bago lisanin ang tahanan, namalantsa muna ako ng uniporme. Maya-maya pa, tumungo na sa eskwela.

7d-z. May nalalabi pa naman tatlong oras bago magsimula ang pagsusulit kaya ipinihit muna ang yapak sa library at doon sinamantala ang oras sa pagrerepaso. Hindi ko magawang ituon ang sarili sa pagrerepaso pagkat panay ang kwentuhan ng kasamahan na tila di nauubusan ng bala. Lumipas ang tatlong oras, tumungo na kami sa silid. Hangga't humihinga pa ang oras at di pa pumapasok ang proctor ay dibdiban akong nagkakabisado. Ilang sandali pa, pumasok na ang proctor. Kahit di sigurado'y kita ko sa mukha ng iilang kamag-aral ang kilig sa halip na sabik pagkat si Sir Barrion ang proctor namin. Pamatay at mapang-akit ang kakisigan nito subalit tila may kinukubli sa totoo nitong pagkatao. Cognitive Psychology ang naging pagsusulit namin, madali sa unang bahagi subalit anong hirap sa huli't nakakapagbigay pa ng sakit sa ulo. Iba talaga ang hirap kapag si Ma'am Ria ang gumawa, may pagkatuso'tunpredictable.

7e-a. Medyo napahiya lamang ako ng lagay ng mapansin ni Sir na di pantay ang uniporme ko, idinaan na lang sa tawa. Sana maging professor ko ito sa susunod na semestre di dahil sa pogi ito kundi nakakatuwa. Zoology 2 ang sunod naming pagsusulit. Kahit panay ang sunog kilay kung mahirap talaga ang pagsusulit ay balewala't mangamote ng lubusan. Hindi ko na ibig pang sumakit ang tuktok sa kakaisip ng sagot at kahit litong-lito'y nanghula-hula na lamang. Wala ng kasunod pang pagsusulit kaya umuwi na kami't sina Mika at Joan ang nakasabay ko.

7e-b. Habang lulan ng bus ay napanood namin sa telebisyon ang isang napakagandang babae at sa kinis at malabalingkinitan nitong katawan, di aakalaing lalaki ito dati't nagpalit lamang ng kasarian. Kami naman itong tatlo, tulala't di maiwasang ilahad ang reaksyon. Kahit isa akong binabae at yumaman, di ko papangaraping magpa-sex change dahil kuntento na sa kung ano ang ipinagkaloob sa akin ng panginoon at batid na makasalanan iyon. Ano pang silbi na magpapalit ng kasarian kung wala ka pa rin kakayahang mag-anak. Pagsapit ng gabi at matapos manood ng telebisyon, pagsusunog kilay muli ang inatupag ko. Sa sobrang abala ko, malapit ng sumapit ang hating-gabi't kailangan ng magpahinga.


79 | 72 Pitong pu't dalawang araw na lamang at Pasko na.



October 15, 2015
Thursday

Year III-288
7e-c. Isang maganda't maginhawang umaga muli ang sumalubong sa aking paggising kahit di pa nagtatapos ang kalbaryo ng utak mula sa napakahirap na pagsusulit. Sana nga, maipasa ko lahat kahit talagang nahihirapan na, ng ikatuwa naman nila ina. Kahit di mataas basta pasado, ayos na sa akin at iyon lamang kasi ang nakayanan ko. Kahit tinatamad na, nagpursigi pa rin ako sa pag-aaral. Wala ang ilaw ng tahanan kaya pinagsabay ko na ang gawaing bahay, pag-aaral at pagtitinda. Habang abala sa paghuhugas ay may naulinig akong lalaking nasigaw habang bumibili. Sa takot na umalis ang kostumer at masayang ang kikitain, dali-daling tumungo sa tindahan. Pinagbentahan na nga subalit dami pa nitong sinabi na pawang mapupusok at ang suwapang at yabang niya talaga. Sa puntong iyon ay doon na nagsimulang lumiyab ang damdamin subalit di ko ipinakita. Makapagsalita, akala kung sinong magaling, wala naman ginawa kundi magpalaki lamang ng biyas at paitimin ang bibig sa kakahithit ng sigarilyo. Sa susunod na bumili ito't ganon pa ang ipakita, di na ko magdadalawang isip na patulan ito! Sa ngayon ay napapalagpas ko pa siya. Matapos ang gawaing bahay ay ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso. Anuman ang gawin ko, nakakaligtaan pa rin kung anuman ang napag-aralan at nakakaantok. 

7e-d. Dakong tanghali na ng magpasyang tumungo sa eskwela. Theories of Personality ang una namin naging pagsusulit para sa araw na ito. Laking gulat ko na lamang at di makapaniwala pagkat si Sir Jigo ang proctor namin. Kahit kailan talaga, ugali na ni Sir Jigo ang pagiging palabiro at malapit ito sa mga estudyante lalo na sa babae. Naiilang tuloy ako't sa halip na ituon ang mata sa pagsagot ng answer sheet ay napapatitig sa kanya na tila di maialis. Ano ba 'to, panay ang repaso ko nitong mga nakaraang araw subalit nangangamote pa rin. Sa hirap, napilitan ng manghula-hula. Kaagad ko naman natapos ang pagsusulit at nawa'y maipasa ito. Pagkakataon ko na sana upang kausapin si Sir at magtapat, kaso di ko maituloy pagkat nahihiya. Nanatili muna ako sa labas at tamang palitan ng kuro-kuro kila Glenn.

7e-e.  Ilang sandali pa, nagsipasok na kaming lahat. Asignaturang English ang sunod naming pagsusulit. Di ako gasinong nakapagrepaso subalit malasisiw lamang ang pagsusulit at common sense ang kailangan. Matapos ay uwian na't kumagat na pala ang dilim pagkalabas. Pagdating sa bahay at gawa na sumasakit na ang sikmura sa walang humpay nitong pagkalam, agaran ng naghapunan. Katamad mag-aral kung wala talagang pumapasok sa isipan at hindi na ibig pang sumakit ang ulo, panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Kahit may pagsusulit pa bukas ay buhay hayahay na't tamang relax lamang habang nakahilata sa kama. Kay gandang panoorin ang pelikulang Bituing Walang Ningning at bawat linyang kanilang binabato'y nagliliyab at palong-palo.

7e-f. Lalo pang umaatikabo ang eksena ng magharap si Lavinia at Dorina't sabuyan sila ng tubig sa mukha. "You're nothing but a second rate, trying hard copy cut",kahit ilang dekada na ang lumipas, nakaukit pa rin sa isipan nating manonood ang linyang iyon. Ang husay gumanap nina Sharon at Cherry Gil at pang-award winning ang pelikulang iyon. Tunay ngang di masusumpungan ang saya kahit namamayagpag ka na sa larangan ng industriya't nakakasilaw ang kaningningan kung wala namang nagmamahal sayo't pakiwaring may kulang. Hanga din ako kay Dorina na kahit nasa rurok na ng tagumpay ay mas piniling mamuhay ng karaniwan kasama ang pinakamamahal niya. Matapos ay di ko na pinatagal pa ang pagtulog.


78 | 71 Pitong pu't isang araw na lamang, bago sumapit ang Pasko.


October 16, 2015
Friday
Year III-289
7e-g. Panibagong umaga muli ang kakaharapin sa muling pagmulat na sana'y puro magaganda ang hatid nito't di kapahamakan. Sa magdamagang pipi ang lamang bituka ay diretso subo agad ng agahan sa aking pagbangon at tila napakaaliwalas ng aking buhay kahit makulimlim ang panahon. Kay buti nga ng ating dakilang may likha't sa kabila na minsan ay masama ang ugali ko't nakakagawa ng kasalana'y ipinaparanas niya pa rin ito't di niya ko pinababayaan. Nang malamnan ang kumakalam na sikmura'y sinimulan ko na ang gawaing bahay. Dakong tanghaling tapat na ng tumungo sa eskwela. Huling araw na ng aming pagsusulit at maging pagkikita para sa semestreng ito kaya di maiwasang magpalaam ang mga balak lumipat ng Dash o paaralan. Habang di pa nagsisimula ang pagsusulit ay tamang repaso lamang kami sa kagustuhang pumasa. Madali lang naman ang pagsusulit para sa akin kaya di na gasinong nakapagrepaso. 

7e-h. Bago pa man magsimula ang pagsusulit ay may pumasok na Psychology Student at may inanunsyo. Kasabay ng pagtatapos ng kanilang anunsyo ang pagpasok naman ng aming proctor. Para rin siya si Sir Esguerra sapagkat magdadasal muna bago magsimula ang klase o pagsusulit. Education 6 ang naging pagsusulit namin. Hindi batid ng isip ang mga sagot, nanghula-hula na lamang ako. Kaagad din naman namin natapos ang pagsusulit. Sa loob ng limang buwang pakikibaka sa pag-aaral, makapasa lamang at may matutuhan, sa wakas at nakaraos din ako at goodluck na lamang sa magiging resulta ng mga pagsusulit. Sana'y maipasa ko lahat ng kinukuhang asignatura.

7e-i. Wala pa kong balak umuwi kaya naisipan pang magtungo sa Computer shop. Sa kupad ng internet, di ko ma-enjoy ang mag-online at madalas ay umiikot ang tingin pagkat panay ang loading. Nakakaubos ng pasensiya kaya di na nagtagal pa. Malapit ng dumilim ng makarating ako sa bahay. Wala palang lutong ulam, hindi ko na ibig pang abalahin si ina sa pagtitinda kaya ako na mismo ang nagluto kahit di pa gasinong bihasa. Maya-maya pa, naghapunan na kami. Kinagabihan naman ay naging napakaalinsangan ng panahon sa kabila na may paparating na bagyo at maingay pa, walang ginawa kundi batain ang tiis. Sa init ng panahon na tila di magpapasko, palalim na ang gabi subalit di makatulog ng himbing.


77 | 70 Mayroon na lamang pitong pung araw bago sumapit ang Pasko.


October 17, 2015
Saturday

Year III-290
7e-j. Ang sarap matulog at ibig pang humilata ng tagal sa kama't walang maaring pumigil sa naisin subalit marami pa kong dapat gawing ngayong nagsimula na ang bakasyong grande. Kung kagabi'y alinsangan ng panahon ang naranasan ay kabaligtaran naman ngayong umagang maulan, hudyat na marahil ay epekto na ng unos na nagbabantang manalasa. Matapos mag-almusal, sinimulan ko na ang obligasyon at iyon ay magbantay sa tindahan. Dahil maulan, naging matumal ang bentahan ng paninda't kakainip ang pagdating ng mga mamimili. Kakabagot kapag nakaupo lamang kaya tamang online sa Facebook maging Instagram, halos di ko na nga maawat ang sarili sa paggamit ng gadyet at kakaadik. Itinigil ko lang ang pagtitinda ng dumating si Mama. Ibig sanang sulitin ang bakasyon sa paglalakwatsa, kaso umuulan at baka may matamo muling sakit, nanatili na lamang sa loob ng bahay.
 
7e-k. Walang magawa't nakakabato kaya naisipang maglinis ng banyo. Hindi biro ang ginawa ko't sa kakakuskos, matanggal lamang ang makapal na lumot at mapaputi ang sahig ay mangaubos ang lakas ko. Hindi baleng dumanas ng hirap at pagod kung ang kapalit nito'y walang hanggang kaginhawaan. Sa pagod, diretso hilata sa kama't sarap matulog kapag maulan ang panahon. Maghapong naging masungit ang panahon. Kinagabihan at kahit bukas pa ng umaga tatama sa lupa ang Bagyong Lando, damang-dama na ang masungit na panahon subalit di pa naman gasinong kabagsik. Kahit may kalakasan ang ulan, di pa rin napigilan ng sariling manood ng telebisyon. Masaya muli ang gabi ko dahil sa Your Face sounds familiar at di mapigilang tumawa. Ilang saglit pa, nagsitulugan na kami.


76 | 69 Mayroon na lamang anim pu’t siyam na araw bago sumapit ang Pasko.


October 18, 2015
Sunday

Year III-291
7e-l. Nagising na lamang ako dahil sa pagkalampag ng mga kagamitan, umiihip pala ang malakas na hangin sa labas subalit pabugso-bugso lamang. Bukod sa malakas ang hampas ng hangin, wala na ring humpay ang pag-ulan. Kahit sa bandang Aurora tatama ang Bagyong Lando, tila dama na ang bagsik nito. Sa lakas ng hangin, halos matuklap na ang mga bubong at magliparan. Maging mga puno'y panay ang sayawan dahil sa hangin. Naramdaman namin ang paghagupit ng bagyo hanggang sa pumutok ang liwanag at tumambad ang mga nagkalat na dahon maging mga naglaglagang bunga. Kahit bayong-bayo ng malakas na hangin at katamtamang ulan, sa awa ng Diyos ay di pa naman bumabaha't nawawalan ng kuryente.

7e-m. Ni hindi mo makayang manatili sa labas sapagkat maari kang matumba o liparin oras na humambalos ang bugso ng hangin at kakatakot. Kahit bumabagyo, tuloy pa rin ang negosyo't di magsasara, umulan man o umaraw o bumagyo pa nga. Bahagya naman humina ang hangin at ulan habang papalapit ang tanghali. Pagkapanood sa balita, nag-landfall na pala ang Bagyong Lando sa kalupaan ng Aurora. Kitang-kita ang patikim na bagsik nito't maraming mga kabahayan ang lubhang nawasak at nilipad dahil sa lakas ng hangin. Bukod pa roon ay halos lamunin na ng tubig baha ang buong bayan at kaliwa't kanan na rin ang pagguho ng mga kabundukan. Kaawa-awa't kalunos-lunos ang kanilang sinapit mula sa bagyo.

7e-n. Taon-taon man tayo bisitahin ng malalakas na bagyo, basta Pinoy ay di makakayang tumiklop at gagawa't gagawa ng paraan upang bumangon. Di man kasing lakas ni Yolanda si Lando, maladelubyo pa rin ang hatid nito't kawawa naman ang mga nasalanta pagkat wala ng babalikang tahanan. Habang tutok ang mata sa panonood ng balita ang biglang pagdating ni Ate Anne at di namin iyon inasahan lalo na't bumabagyo. Manghihingi pala ito ng kwarta kay ina'y at di akalaing naghihirap muli sila. May kakwentuhan muli ako matapos ang ilang araw na napapanis ang laway. Gustuhin pa man siya manatili subalit sa sama ng panahon at para na rin sa kaligtasan niya, di na ito nagtagal pa sa amin. Dama pa rin ang may kalakasang hangin sa maghapon subalit tumila na ang ulan. Kinagabihan at kasabay ng paghupa ng ulan ang panunumbalik ng ingay sa kapaligiran at sakit sa teynga. Pumayapa naman ng umambon. Medyo nakakaranas na ng antok kaya di na nagtagal pa sa pagtutok sa telebisyon.


75 | 68 Anim na pu't walong araw na lamang at Pasko na, sa mga hinagupit ng bagyo, magpakatatag sila't makabangon bago magtapos ang taong ito.


October 19, 2015
Monday
Year III-292
7e-o. Nadapa man mula sa paghambalos ng unos, basta't kapig-bisig at may pagkakaisa'y magagawa pa ring tumindig at isaisip na tila walang nangyari. Ang bagyo ay parang pagsubok lamang iyan sa buhay na dumarating subalit di naman nagtatagal. Sa tuwing darating ang mga hamon sa buhay ay kailangang maging handa't magpakatatag. Dahil sa mga bagyo, sa halip na panghinaan ay lalo pa ngang nagiging matibay ang loob at titibay pa sa mga darating pang unos. Kung may unos man, huwag matakot na kaharapin at tatagan ang kalooban dahil di mawawala iyan kapag ito'y tinalikuran at nandiyan pa rin. Anumang hirap o gaano pa iyan, kakayanin basta nandiyan ang maykapal.

7e-p. Sumiklab na ang liwanag sa labas ng dumilat ang dalawang mata. May mga oras na sumisilip ang haring araw subalit dama pa rin ang pabugso-bugsong hangin at suspendido ang klase. Walang ibang ginawa sa buong umaga kundi magbantay sa tindahan at sa paglayo ng unos ay sumisigla na rin ang bentahan, kaso kalimitan ay sigarilyo't alak, mga hitad nga sila't tila pinapasakitan ang sarili. Kung ako magiging pangulo ng bansa, sa ayaw at sa gusto nila'y ipagbabawal ko ang bentahan ng alak at sigarilyo para healthy ang masang Pilipino at malayo sa sakit. Hindi man ibig ng kalooban na pagbentahan sila, wala akong magagawa.

7e-q. Kinatanghalian, panonood ng balita ang inatupag ko. Sadyang napakabagsik ng unos na humagupit sa kanila at di maipaliwanag ang bakas na dulot nito dahil sa tindi. Sa aking pakiwari'y matatagalan pa bago maibalik sa dati ang hitsura ng lugar nila. Maging bayan ay mistulan ng dagat sa taas ng baha't bubong na lamang ang lumilitaw. Matapos ay natulog muna pansamantala. Naging maulan muli sa maghapon kaya di magawang lumabas. Kinagabihan naman, ang ganda sana ng pinapanood na palabas at umaatikabo pa subalit sa lakas ng ulan, di na marinig, pinatay na lamang.  Dakong ikasampo ng mapagpasyahan ng ihimlay ang sarili kahit di pa dinadalaw ng antok.


74 | 67 Anim na pu't pitong araw na lamang ang nalalabi't Pasko na.

October 20, 2015
Tuesday
Year III-293
7e-r. Nagpakita na ang haring araw sa kabila na sumungit muli ang panahon kagabi, marahil ay tuluyan ng umalis ang bagyo. Masarap pang matulog at ibig pang humilata ng tagal subalit pananakit ng sikmura ang tumapos sa nahihimbing na tulog. Tila umiikot ang hangin sa tiyan at may mga oras na nakakaranas na humihilab. Pilit man ilabas kung anuman ang nagpapasakit subalit masamang hangin lamang at di madumi, marahil ay kinakabag muli. Patuloy kong naranasan ang pananakit ng tiyan. Bahagya naman naparam pagkahigop ng mainit na kape. Sa kabila na di maganda ang lagay ng tiyan, nagawa pa ring magtinda. Wala pa ring pinagbago sa bentahan at Sigarilyo ang numero uno, kung minsan ay yelo. Nakakabagot kapag nakaupo lamang kaya kahit may dinadamdam, sige sa paglalaro ng gadyet at di magawang magsawa. Hindi baleng sa ganito ako malulong, huwag lang sa masamang bisyong magbibigay kapahamakan sa kalusugan.

7e-s. Hindi masamang gawin ang ibig sa buhay at bagay na nakakapagpaligaya sa'yo subalit hinay-hinay at parating isaisip kung ano ang kakahinatnan nito. Hangga't humihinga tayo, matutong gawin ang bagay na makakatulong upang umangat ang antas ng buhay. Tama sila, di mo kasalanang ipinanganak na mahirap subalit may kasalanan mo na kapag namatay na mahirap. Pagsapit ng tanghaling tapat ay animoy di dumaan ang bagyo pagkat napakaalinsangan ng panahon. Ibig ko sanang ipasyal ang sarili sa labas at makihalubilo sa kahit na sino, subalit di ibig ng loob at kakatamad. Ganito na lang ba parati ang buhay, parating nag-iisa at kung may tao ka mang ibig kausapin, di ka niya pakikinggan at basta-basta na lang iiwasan. Marahil ay ganito na ang takbo ng buhay, tila umiikot lamang at paulit-ulit at ayaw ko ng maghangad pa na magbabago ito.

7e-t. Labis akong nababato kaya naisipang manood ng pelikula. Ang ganda ng pelikulang Kadenang Bulaklak, ito ay kwento ng apat na magkakapatid na nawalay, sampung taon na ang lumipas upang mapabuti ang kanilang buhay. Sa kabila na sampung taon na ang lumipas at iisiping marami ng nagbago'y determinado pa rin si Jasmin na hanapin ang mga kapatid at di ito sumuko kahit mahirap. Sa huli, nagkatagpo-tagpo din sila't ipinangakong di na maghihiwalay kailanman. Labis na napukaw ang damdamin ko sa palabas at muntikan na ngang umiyak. Pagsapit ng gabi, telebisyon naman ang napag-isipang atupagin. Wala ng bagyo subalit kung titingnan ay tila di magawang limutin sa lawak ng pinsalang dulot nito't karamihan sa mga nasalanta'y hirap pa rin ng kalagayan pagkat bukod sa nawalan ng tirahan, di pa raw nakakakain at umaasa na lamang sa ipinamahaging relief goods. Pasalamat na lamang sapagkat di namin sinasapit ang dinadanas nila't batid naman ng isip na di sila pababayaan ng Diyos. Malapit ng maghating-gabi ng mapagpasyahan kong matulog.


73 | 66 Anim na pu't anim na araw na lamang, Pasko na. Sa mga lugar na lubhang hinambalos ng kalamidad, magsilbing leksyon iyon upang lalo pang maging handa at iwaksi ang pagsasawalang bahala sa mga sinasabi ng ahensiya.

October 21, 2015
Wednesday

Year III-294
7e-u. Kay sarap pang lasapin ang mga oras na nakahilata sa kama ngayong mahabang bakasyon, sumapit na ang ikapito kaya kinailangan ng bumangon at mag-agahan. Hinurnong bisquit ang naging agahan na ako mismo ang may gawa, iyon nga lang ay sunog ito't sayang naman kung di kakainin kaya pinagtiyagaan itong kainin. Hindi bale, matututo ring gumamit ng hurno. Matapos lamnan ang sikmura, sinimulan ko ng magbantay sa tindahan. Halos mamuti na ang buhok sa kakaabang ng kostumer at tila kay ilap ng kanilang pagdating. Habang aligaga sa pagtitinda'y bigla kong nasaksihan ang isang baklang palakad-palakad at pilit ginagatasan ng mga bata.

7e-v. Maya-maya, sa di malamang kadahilana'y bigla nitong hinalikan ang bata't nilamutak pa ang bibig, di ako makapaniwala sa nakita. Gusgusin pa naman ang batang iyon at kahit sukang-suka'y nagawa pa ring makipag-usap sa kanya. Grabe ang bakla't maging bata'y nagawa nitong patulan. Naghari naman kapayapaan sa paligid namin ng umalis ang mga ito. Buong umaga ay ako ang naasahan pagbabantay sa tindahan. Pagsapit ng tanghaling tapat, pansamantala kong itinigil ang pagbabantay at nananghalian. Ibig man ilaan ang hapong ito sa pagtitinda kaso dala na naghahari ang antok ay di mapigilang mag-siyesta.

7e-w. Sa takaw kong matulog, di akalaing malapit ng dumilim ng magising. Kakabato't ibig kong maglakwatsa, kaso kawawa naman ang ilaw ng tahanan na abala sa pagtitinda't wala itong makakatulong, piniling manatili na lang sa bahay. Dahil abala nga si ina sa pagtitinda na tila di na makapirmi, nagkusang loob ng magluto ng hapunan. Ilang taon ko na itong ginagawa't kahit paano'y nasasanay na rin at natututo, hindi nga lamang naibigan ng kapatid ang niluto ko't di mapigilang umusbong ang pagkadismaya. Maigi na rin marahil na makita kung anuman ang pagkukulang upang mas lalo pang may matutunan at mapag-ibayo pa ang gagawin. Pagsapit ng gabi't matapos ibabad ang mata sa telebisyon ay di muna ako natulog at hinintay ang pagdating ni ama. Medyo lugmok na ang mga mata sa antok kaya di ko nahintay pa si Papa.


72 | 65 Anim na pu't limang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


October 22, 2015
Thursday

Year III-295
7e-x. Napakasarap muli ng tulog ko kaya nakakasilaw na ang sinag ng araw sa bintana ng ako'y magising at bumangon. Tambak muli ang hugasin sa lababo't nanggigitata sa kaitiman ang sahig kaya iyon ang pinagkaabalahan matapos mag-almusal. Sa araw-araw na ganito ang ginagawa tuwing umaga'y iisiping pwede ng maging katulong at feel na feel kong magsilbi kung ang amo naman ay mabait, maginoo't higit sa lahat, tulad ni Ser Chief na pamatay ang kanyang kakisigan. Pakiramdam ko, ako si Maya at di maiwasang mag-ilusyon. Kung mangyari man iyon sa tunay na buhay, di ko na nanaisin pang mag-resign. Iba nga ang dating sa'yo kapag ang puso'y pumipintig at di mo siya maalis-alis sa isipan, kamusta na kaya siya? Hiling ko lang na sa darating na pasukan ay magkita pa kami o kung sakali man, maging professor ko muli ito.

7e-y. Matapos ang maraming gawaing bahay, nagtungo na ko sa labas at nagkumpyuter. Sa labis na humaling sa Social media na tipong di maawat ang sarili, halos dalawang oras ng babad ang mata. Bago umuwi'y tumungo pa ko kila Ate Let upang maghulog. Sa sarap nitong kausap at kakatuwa, di akalaing magtatagal pa sa kanila. Pagkaalpas ng yapak sa tahanan, naglalagablab na sermon ang sumagupa sa akin at makapagsalita sila, parang pinapalabas na bulakbol ako't di nakakatulong. Matapos kong gampanan ang gawaing bahay na halos humandusay na sa tindi ng pagod, iyan ang maririnig ko. Di na matanggap pa ang kanilang sinasabi kaya ayaw ko man itong gawin, napilitan ng sagutin sila. Humupa naman ang sagutan kinalaunan. 

7e-z. Minsan na nga lang ako lumayas, may masasabi pa't anong gusto nila, bukbukin ko ang sarili sa bahay. Nakakabagot muli ang mga oras ko't bilang pampalipas oras, pagtitinda ang inatupag ko. Dami talagang trabaho ang pwede kong pasukan bukod sa pagiging katulong, pwede rin maging negosyante. Sa tindi ng antok, di ko maiwasang mag-siyesta. Antok talaga ang magiging kalaban ko sa tuwing sumasapit ang hapon. Pagsapit ng gabi, namayani muli ang ingay sa kapaligiran kaya ang pinapanood namin, di maulinig ng lubos, nagtitiyaga na lamang kami. Kailan kaya darating ang panahon na magiging payapa ang paligid namin anumang oras at pangmatagalan?


71 | 64 Mayroon na lamang anim na pu't apat na araw bago sumapit ang Pasko.



October 23, 2015
Friday

Year III-296
7f-a. Ano ba ito, tinanghali muli ng gising kaya ang resulta, naghahabol na sa mga gawain. Mabuti na lang at sinisipag ako't may energy kaya makakayang gampanan at tapusin kahit gaano pa ito karami at kabigat, sa sipag kong ito'y natapos rin naman kaagad. Walang magawa ngayong bakasyong grande, pagdutdot ng Android phone ang siya muling pampalipas oras ko. Nahumaling ako ng husto't di namalayang malapit ng magtanghaling tapat, kailangan ng magsaing. Pagsapit ng hapon, pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko. Kainamang lagay pagkat walang bumibili pero kung kailan nasa loob ka ng bahay at may ginagawa, saka nagsidatingan ang mga bumibili, kaya itong si ako, dali-dali sa pagkilos at kung magkasabay, di malaman kung sinong uunahin. Sa una'y akalang madaling magtinda pero di pala't kailangan alerto ka. Bago pa man sumapit ang takip-silim, naisipan muling magtungo sa computer shop. Matapos magkumpyuter, tumungo pa ko sa bahay nina Cathy subalit wala ito ng datnan ko, umuwi na lamang ako. Pagsapit ng gabi'y wala pa ring pinagbago sa sitwasyon pagkat nuknukan pa rin sa ingay. Ibig ko nga silang sawayin, kaso walang lakas ng loob at baka ako pa ang mapasama. Maigi pa ang manirahan doon sa Recrap, dahil doon ay tahimik, madilim nga lamang. Malapit ng sumapit ang hating-gabi ng mapagpasyahang matulog.


70 | 63 Anim na pu't tatlong araw na lamang at Pasko na.


October 24, 2015
Saturday

Year III-297
7f-b. Sumapit muli ang araw ng Sabado at kasabay nito ang panahon upang magpahinga't magmuni-muni ng sarap. Malapit ng sumapit ang ikapito ng mapagpasyahang bumangon at mag-almusal. Ng malamnan ang sikmurang magdamag na walang laman, gawaing bahay naman ang sunod na inatupag. Walang pinagbago sa umaga ko at sa kabila na madalas kapitan ng sakit, may kasiglahan pa rin ang buhay at tila ang lakas-lakas ko. Sa sipag kong ito, matapos linisan ang buong bahay, paglalabada naman ang sunod na pinagkaabalahan. Sa dami ng dapat labhan ay mukhang maraming enerhiya ang mawawala sa akin pero ayos lang kaysa mabato't nagpapalaki ng biyas. Di nga nagkamali't magkahalong hapo at gutom ang siyang abot ng matapos ang labahin. Sa sobrang abala, tanghaling tapat na pala, tamang-tama't kalam na kalam na ang sikmura't kailangan ko ng mananghalian. Di pa man nakakapag-ipon ng lakas kung sinisipag naman, naisipan pang maglinis ng banyo.

7f-c. Habang aligaga sa pagkuskos ng sahig na halos magkandakuba na, mapaputi lamang ito, ang ate naman ay walang kapaguran kung tumili at maging ang aming kahanggan ay wagas din kung makahiyaw na maya't maya maririnig, di lubos malaman kung anong kinababaliwan nila't pagkatungo sa sala, mayconcert pala ang Aldub doon sa Philippine Arena. Malamang ay tatahimik muli ang mundo ng masang Pilipino dahil karamiha'y tutok na tutok sa Aldub ang tamang panahon concert at talaga naman di mapigilang masabik. Hindi ko man sinusubaybayan araw-araw ang kanilang palabas at die hard ng Aldub loveteam, nagawa pa ring manood matapos ang mga gawain. Nagsusumigaw sa kilig ang bawat puso ng mga manonood ng sandaling magkatagpo sila Aldenat Yaya dub at isayaw nito, ang kapiligiran na kanina'y maingay na nga, lalo pang sumidhi.

7f-d. Bukod sa nakakakilig ay nakakatawa rin pagkat ang kukulit ng kanilang Dubsmash. Sina Lola NidoraTinidora at Isadora naman, daming galaw at dinaig pa ang mga Pabebe sa lansangan. Pamatay talaga ang kakisigan ni Alden Richards samantalang si Maine, kahanga-hanga ang takbo ng buhay nito sapagkat nagkaingay ang pangalan dahil lamang sa mga Dubsmash niya at phenomena ang kanyang pagsikat. Paano siya hindi sisikat, bukod sa mabenta ang mga Dubsmash nito, ang ganda-ganda pa't artistahin ang dating. Kinahapunan, naisipan muling magtungo sa bahay nila Angelica. Wala kaming ginawa kundi magkwentuhan at puro Aldub ang laman ng usapan. Habang nasa kanila, sumaya pa lalo ang hapon ko sapagkat naroroon din si Annie.

7f-e. Sa tagal na di kami nagkikita, kamustahan kaming dalawa, sayang lamang at wala si Gelyn. Sa saya, nanatili pa ko doon sa Recrap hanggang sa dumilim. Pakiramdam ko, ngayon lamang nakalaya matapos ang ilang araw na nakabilanggo sa tahanan. Dakong ikawalo na ng mapagpasyahang umuwi. Pasalamat na lamang, di ako nasermunan ni inay. Habang nanonood ng Telebisyon ay magkahalong inis at awa ang umiral sa dibdib ng matunghayan sa MMK ang kwento ni Lenny na paulit-ulit na ginahasa at sarili pa nitong ama. Grabe't nasisikmura ng ama na babuyin ang sarili nitong anak at ipinapakita pa ang matalim na itak kapag tumatanggi. Ang nanay naman, di man lang maipagtanggol ang anak mula sa kamanyakan ng asawa.

7f-f. Ang nakakainis pa sa nanay nila, ng makulong ang tatay, sa halip na isiwalat ang lahat ng kahalayan nito sa anak, nagawa pang pagtakpan, kaya ang resulta ay nakalaya ito't nakakabatang kapatid naman ni Lenny ang biniktima niya, ang nakakalungkot pa'y nabuntis ito. Kay saklap ng napagdaanan nina Lenny at Ailene mula sa kababuyan ng Ama't kung nagsalita lamang ang nanay at di pinangunahan ng takot, di na sana dinanas pa ni Ailene kung anuman ang sinapit ni Lenny at naging maayos ang lahat. Ang tanga-tanga naman ng nanay at walang dapat sisihin kundi siya, wala siyang kwentang ina! Sa huli, habang buhay ng nakulong ang ama't dahil iyon sa katapangan ng dalawa.


69 | 62 Anim na pu't dalawang araw na lamang at Pasko na.


October 25, 2015
Sunday

Year III-298
7f-g. Mahaba-haba na ang oras ng pagtulog ko subalit sa tindi ng antok ay hirap pang idilat ang mga mata't ibangon ang sarili, sumapit na pala ang ikawalo, inaantok pa man ay kailangan ng awatin ang sarili sa kama. Pagbabantay agad sa tindahan ang siya kong inatupag matapos mag-almusal. Natutuwa naman ako dahil ang sigla ng bentahan ng paninda at nawa'y sumigla pa. Pagtitinda lamang ang inatupag ko hanggang sa magtanghaling tapat. Kanina pa ibig ng alaga sa tiyan ang kumain kaya pansamantala munang itinigil ang pagtitinda't kumain. Pinakbet ang naging pananghalian namin at sa sarap at lasa nito, napalantak muli ng dami, ang resulta'y mistulan ng buntis sa kaumbukan ng tiyan at di na makakilos sa kabusugan. Pagsapit ng hapon at dahil may pinag-usapan pa kami ni Angelica na magsisimba ngayong araw, ako'y nagbihis. Kung kailan nakabihis na't aayain ay bigla nitong sinabi na di na raw sila makakasama.

7f-h. Ano ba ito at samantala kahapon ay gayak na gayak siyang sumama pero biglang nagbago ang isip nito, umaasa lamang sa kanya ng lubusan. Wala nga talaga silang kwarta kaya inunawa na lamang. Mag-isa na lang tuloy ako't sa halip na tumungo sa Saint Peter Church, naisipan kong dumeretso sa JOLIA Christian Church at dumalo sa pagdaraos ng kanilang anibersaryo. Nagtatalumpati na si Sister Nancy pagkatungo roon. Di hamak na mas marami ang dumalo kaysa nung nakaraang taon at di akalaing nandoon din sila Junjie. May balak sanang makipag-usap sa kanila, kaso malayo ang upuan nila mula sa akin.

7f-i. Matapos magtalumpati ng iilang kaanib, nagsalita na si Pastora Anna at ikwinento ang tungkol sa naging karanasan nito bilang Pastora. Kay saklap at bigat ng napagdaanan niya subalit di akalain nakayang lampasan iyon. Kapag malakas ka sa taas at may pananalig, lahat ng pagsubok makakayang lampasan at pinatunayan iyon ni Pastora Anna. Sumunod na nagtalumpati ang isang Pastor na inimbitahan lamang ng Pastora. Sa tingin pa lamang, aakalaing edukado ito at napakalayo na ng narating pero parang umiral ang takot ng magsimula itong magsalita. Watak-watak at di masabi kung saan patungo ang kanyang punto kaya di lubos maunawaan at tanging may malalawak na kaalaman lamang ang makakaintindi. Sa takot, tila ayaw ko ng marinig at ibig na siyang matapos pero di akalain mapapatawa niya kami't ang kulit pa magsalita. Dahil sa kanya kaya lalo pang sumaya ang pagdaraos ng program.

7f-j. Pagkatapos ay nagkaroon pa ng ilang intermission number na pinangunahan nila Pastora Anna. Gaya pa rin ng nakaraang taon ang inihanda nila kaya ganon pa rin ang masasabi. Ilang sandali pa, kainan na't kami'y nagsalo-salo. Hindi ako gutom pero sa sarap ng mga nakahaing putahe, di na mapigilang kumain at kinapalan na nga ang mukha sa pagkuha ng marami. Kumagat na ang gabi at unti-unti ng nagsisialisan ang mga nagsipagdalo maging kasamahan nila Junjie kaya ibig na ring umuwi kaso hinintay pa si Cathy. Mukhang humaling na humaling ang Cathy makipag-selfie sa mga ka-fellowship at gawa na naiinip na, di na namin ito hinintay pa. Sa labis na kabusugan, di na naghapunan pa pagdating ng bahay at diretso tutok ang mata sa telebisyon. Ang masamang pakiramdam, muling dumapo sa aking katawang lupa't panay ang pagsinga't bahing, idinalaan na lamang sa pagtulog upang gumaling.


68 | 61 Anim na pu't isang araw na lamang at Pasko na.


October 26, 2015
Monday

Year III-299
7f-k. Kahit ilang oras ng naipagpahinga ang sarili, wala pa ring pagbabago't patuloy na nararanasan ang masamang pakiramdam. Kainis at parati na lamang sinisipon at maging lalamunan ay naapektuhan na pagkat dama ang hapdi sa tuwing lumulunok. Kahit hindi kagandahan ang timpla, nagawa pa rin gampanan ang gawaing bahay at inigihan sa paglilinis. Ang salubong ng umaga'y tila ikinatamlay ko kaya naisipan muling magpatugtog. Sa saya habang nakikinig ng musika, parang limot ng isip ang masamang pakiramdam at para akong nasadisco, di tuloy mapigilang igiling ang katawan at palong-palo pa. Kahit paano'y sumigla ang araw dahil sa awitin.

7f-l. Nang matapos sa gawaing bahay na tipong Yaya Dub ang dating, pagtitinda naman ang inatupag ko. Saka lamang itinigil ang pagbabantay sa tindahan ng tanghalian na't kumain. Anong sama pa rin ng pakiramdam kaya buong maghapong nakabilanggo ang sarili sa tahanan. Bilang libangan at pampalipas oras, paglalaro ng gadget ang siya muling inatupag maging sa pagkagat ng gabi. Sa labis na humaling ay nakaligtaang kailangan pa palang magsaing. Abala rin ang ilaw ng tahanan sa pagtitinda't di naman maasahan ang isa pang kapatid, ako na lamang ang nagluto ng panghapunan. Matapos kumain ay panonood ng paboritong programa ang iginugol ko. Sarap buhay pa rin ngayong bakasyon grande kahit masama ang timpla't sarap magbuhay alamang kung wala naman dapat alalahanin.


67 | 60 Mayroon na lamang Anim na pung araw bago sumapit ang pinakahihintay ng lahat, ang kaarawan ng ating tagapagligtas.

 
October 27, 2015
Tuesday

Year III-300
7f-m. Laganap na ang liwanag sa kalawakaan ng magising ang aking diwa, katamad pang bumangon at ibig pang ihimlay ang sarili sa kama subalit kailangan ng awatin. Panay pa rin sa paglabas ang uhog ko subalit malakondensada na ang lapot at di nq gaya ng kahapon ang sama ng timpla pagkat ito'y umiigi na. Naalala ko nung ako'y paslit pa lamang at sa tuwing sinisipon, madalas ay iyon ang kutkutin ko't tila sabaw kung sipsipin ito. Kakadiri naman di ba kung iisipin iyon at di ko ma-imagine ang sarili. Pasalamat na lang at di nauwi sa malalang karamdaman, kundi ay sangkatutak na gastos muli ang aabutin. Walang magawa kaya pagbabantay muli sa tindahan ang inasikaso ko't tamang kulwit lamang ng Android phone habang naghihintay ng mamimili.
  
7f-n. Ano ba ito at halos wala namang bumibili pero kung kailan nasa loob ng bahay, saka naman ora-orada ang dagsa ng mamimili't di na minsan magkandaugaga na halos ikabuwang ko na't di malaman kung sino ang uunahin. Kahit na nahihirapan ay ganon talaga ang buhay kapag nagnenegosyo, kailangang pairalin ang pagkapasensiyos. Pagsapit ng hapon at pagkatingin ng School Automate, laking gulat ko at ikinalupaypay ng loob ng mabatid na NFE ako sa PE, akala ko tapos na, hindi pa pala't kailangang kausapin si Ma'am Darvy bukas na bukas din. Kahit pangambang-pangamba ang kalooban, umaasa pa ring papayagan niyang kumuha ng special exam. Pasalamat na lamang dahil pasado sa lahat ng asignatura maliban sa PE. Nagsi-siyesta ang ilaw ng tahanan kaya ako muli ang nagbantay sa tindahan.


7f-o. Nakakabato't ibig kong lumabas subalit di maari. Saka lamang ako nakaduli ng magising si ina't tumungo sa bahay nina Regine. Napalitan ng tuwa ang kaninang nangangamba pagkat nandoon pa rin si Annie, kwentuhan muli kaming dalawa. Bukod kay Annie ay nandoon na rin sina Shiela at Ate Bing na abalang-abala sa paglalaba. Inabot na ko ng gabi sa kanila. Sumunod ay kina Angelica naman tumungo't nadatnang naglalambingan sila ni Rachid na halos dumugin na ng guyam sa tamis. Ayaw kong masira ang moments nilang dalawa kaya si Ate Leleng ang kinausap ko. Ilang sandali, inaya ako nila Angelica na gumala at kami ay namasyal. Habang sila'y kapiling ay naiilang lamang pagkat parang third party sa kanila at aakalaing may nangyayaring love triangle kahit di naman si Rachid ang pinipintig ng puso.

7f-p. Kainggit silang dalawa't kailan kaya darating ang tamang panahon para sa akin na may lalaking handa akong ibigin sa kabila na magkapareho kami? Mukhang malabong siya ang sasalo sa matagal ko ng hinahangad pagkat professor siya, estudyante lamang ako't nakakarumi naman kung patulan niya ko, mabuti sana kung magkapareho kami ng propesyon sa buhay, doon ay go na go na akitin siya. Sa takot malingilan ni ina at makatikim na malalabuyong talak, di ko pa man ibig umuwi subalit kailangan ng magpaalam. Bago pa man matulog, naisipan ko pang manood ng pelikula. Malapit ng gumitna ang gabi ng mapagpasyahang matulog.


66 | 59 Limam pu't siyam na araw na lamang, Pasko na.



October 28, 2015
Wednesday

Year III-301
7f-q. Sa pagmulat ng mga mata'y kurot agad ng kaba ang siyang nadarama't di ito mapigilan. Iniisip ko na baka huli na ang lahat at di na papayagan pang kumuha ng pagsusulit. Pilit ko man tinatatagan ang kalooban subalit parang lintang di maalis-alis ang kaba. Bahala na't kung anuman ang magiging hatol ay kailangang tanggapin ito, masakit at mahirap man. Gawaing bahay agad ang siyang inatupag matapos mag-agahan. Maya-maya pa'y nagbihis na ko't tumungo sa unibersidad. Eksaktong naroroon si Ma'am Darvy pagkapasok saFaculty at lakas loob na kinausap ukol doon. Madali naman itong kausap at binigyan ng pagkakataon upang kumuha ng pagsusulit ngayon, kung kaya ko na raw ba subalit naisipang ipagpabukas na lamang pagkat di pa nakakapaghanda.

7f-r. Bukod pa roon ay may output pa pala akong di naipapasa kay Ma'am, diretso computer shop ako matapos mag-usap at nag-research. Sa dami ng kailangang i-research at ililimbag, halos masaid ang dalang kwarta, nagalaw ko na nga ang perang pangmatrikula. Pagkalimbag na pagkakapal-kapal, nagrepaso muna ako. Anong ingay sa aking kapiligiran, hirap tuloy mag-aral at di maitatak ng husto sa isipan. Matapos ang isang oras na pagrerepaso at parang handang-handa na ang sarili, bumalik ako ng Faculty upang kumuha ng pagsusulit. Nahirapan sa una pero madali naman sa pangkalahatan kaya wala pa sa trenta minutos ng matapos ko ito.

7f-s. Sa wakas at natapos din ang kinakaharap na problema't tila nabunutan ng tinik sa lalamunan at lumuwag ang paghinga. Bago umuwi'y naisipan pang idako ang yapak sa SM at mag-isang namasyal. Bandang ikatlo na ng hapon ng makarating sa bahay. Dala ng pagod, daglian akong nag-siyesta. Pagsapit ng gabi, anong ingay muli ang mauulinig sa labas. Sumapit na ang ikasampo't tulog na ang karamihan pero walang pakundangan sa pag-iingay ang mga kabataa't tila di natatakot na mabagansya. Yamot na yamot na ko kaya lakas loob ng pinagsabihan. Mabuti pa sa Recrap, mababaw pa lamang ang gabi'y tahimik na, pero dito sa Taniman ay hinihintay pang magkaroon ng Curfew bago magsiuwian ang mga tambay, tila ngang walang pagkukusa ang mga tao dito. Naging payapa naman ang kapaligiran kinalaunan subalit di pa rin ako makatulog.


65 | 58 Limampu't walong araw na lamang at Pasko na.



October 29, 2015
Thursday

Year III-302
7f-t. Anong saya't kulay muli ng aking paggising kinaumagahan sapagkat di aakalaing dadalawin niya ko sa Dreamland. Dala lang marahil na maraming beses ko itong iniisip kaya napaginipan o baka may ibig sabihin iyon. Kung anuman ang napaginipan patungkol sa kanya, sana'y magkatotoo. Lalo pang tumingkad ang nararamdaman sa kanya't kinikilig ako sa tuwing iniisip iyon. Sumapit na pala ang ikapito kaya may pagmamadali sa gawaing bahay matapos mag-agahan. Mga gabundok na hugasin sa lababo at sahig na dinaig pa ang gusgusing paslit sa kapal ng duming nakakapit, nakakapagod man ay balewala iyon basta't siya ang sumasagi sa isipan. Iba talaga kapag may pagtatangi ka sa ibang tao, pinapawi nito ang pagod at bigat ng nasa dibdib. Natapos din agad ang gawaing bahay ng di man lang nakadama ng pagod at pakiwaring ang sigla-sigla ko. Sumunod ay pagbabantay sa tindahan ang inatupag hanggang sa sumapit ang tanghaling tapat.

7f-u. Malapit ng magpasko pero dama pa rin ang matinding init at animoy nasa panahon ng tag-init. Matapos kong mananghalian, bilang pampaantok ay naisipang manood ng pelikula. Sa labis na humaling sa panonood at tutok ng mata, di namalayang Alas-tres na pala ng hapon. Ano ba ito, labis ang aking pagkabagot kapag nasa bahay lamang at wala man lang makahuntahan, di naman ako papayag na mapanis ang laway habang hinihintay ang gabi, naisipang lumabas kaso pinigilan ni ina't binalaan. Kainaman naman, ngayon na nga lang makakalayas, bawal pa't kaasar siya. Kahit todo ang kanyang pagpipigil ay nagpatuloy pa rin sa pagkilos. Sa bahay nina Shiela ako tumungo't tuwa agad ang naghari sa dibdib pagkat nandoon muli si Annie. Tamang kwentuhan lang kaming dalawa't nalilibang ako kapag may kausap o bagay na nailalahad. Saglit lamang ang aming pag-uusap pagkat maliligo pa raw ito, tumungo muna ako kina Angelica. Saktong wala naman itong ginagawa kaya nagawa namin mamasyal dalawa.

7f-v. Habang namamasyal ay bigla kong naisip na paano na si ina, ngayong wala itong katuwang sa mga gawain at batid na maraming gawain ang nakaatang, nakakaawa naman kung aakuin niya lahat, naisipan kong bumalik ng bahay. Maanghang na sermon ang abot ko pagdating ng bahay subalit di na lamang inintindi pa. Ng matapos sa pagtitiklop ng mga damit, daglian muling tumungo kina Shiela. Mabuti pa sa kanila, nasusumpungan ang saya't aliw, samantala sa bahay, minsan na nga lang mag-usap ay napapagalitan pa, nakakasawa ang parating ganon at parang walang laya sa lahat ng bagay. Inabot na ko ng gabi sa kanila't tamang tambay lamang magkakasama kahit pinapapak na ng mga lamok.

7f-w. Maya-maya, pagsi-selfie ang napagkatuwaang atupagin at di maiwasang tumawa kapag makikita ang awkward na post. Kainis at tawang-tawa ako sa sarili sa tuwing makikita ang litrato't mistulan ng baliw. Si Dodoy at Bikbik naman, kanina pa ako ang tampulan ng katuwaan at kay haharot pa, ang lalakas ng tama nila. Sa saya't aliw talaga, ibig ko pa sanang manatili sa Recrap at doon na nais matulog, kaso lumalalim na ang gabi't may bahay pang kailangang uwian. Wala pa ring pinagbago't mapupusok na talak ni ina ang abot pagdating ng tahanan. Pakiramdam ko tuloy, parang walang karapatang lumayas at tumungo sa bahay ng kaibigan kapag nakakarinig at gusto, nakakulong lang sa bahay. Tapos makapagsalita pa, parang pinapalabas niyang wala akong silbi, di kasi marunong mag-appreciate sa mga ginagawa ko't di mabatid sa sarili kung bakit parating mainit ang ulo niya. Tumatanda na kaya mahirap minsan gawin pero kailangan pa din intindihin.


64 | 57 Limam pu't pitong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.

October 30, 2015
Friday

Year III-303
7f-x. Kasalungat ng kahapon ang naging umaga pagkat di kagandahan at sinisipon muli sa aking paggising. Panay ang pagdaloy nito mula sa ilong at mukhang sasamain ako. Masakit din ang lalamunan at kumikirot-kirot ito sa tuwing lumulunok. Kahit sinisipon ay kinaya ko pa rin gampanan ang gawaing bahay. Ang ilaw ng tahanak, muling nagpasiklab ng yamot at parang walang kapaguran sa kakatalak. Dami niyang reklamo sa buhay at di na lang kumilos. Kahit na ganyan siya'y may awa pa rin sa dibdib kaya ako na mismo ang nagbantay sa tindahan. Iyan ang hirap sa kanya, masyado niyang siniseryoso ang mga gawaing bahay kaya stressfull ang araw at di na lang mag-enjoy. Mabuti pa ko, kahit sangkatutak na ang gawain at nagkapatong-patong, nagagampanan pa rin ng di ginagamit ang bibig. Hindi niya matatapos ang gawain kapag puro dada't di sasamahan ng pasensiya. Humupa naman ang init ng ulo nito kinalaunan.

7f-y. Ipinagpatuloy ko ang pagbabantay sa tindahan hanggang sa matapos si ina sa ginagawa. Daming lamok sa buong bahay at iyon ang pinag-ukulan ko ng panahong pagpapaslangin sila gamit ang Katol, masama man ito sa akin subalit mas mainam iyon laban sa mga mababagsik na lamok, isip isip na lamang kapag may time. Tanghaling tapat na pala't gawa na walang humpay sa pagkalam ang sikmura, agaran ng nananghalian pagkabili ng ulam. Matapos lamnan ang bitukang piping-pipi, panonood ng pelikula ang sunod na inatupag at maghapong iyon iginugol. Nakakakilig naman sa pakiramdam, kahit ilang ulit ng ipagtabuyan ni Babae si Lalaki, bumabalik pa rin ito't ang Sincere ng pagmamahal nito dahil gagawin ang lahat, makita't makapiling lamang si Babae.

7f-z. Kaso di sila maaring magmahalan dahil sa kakambal nitong maldita't kontra bida, gusto ay parati sa kanya ang lahat maging yung lalaki, walang pakialam sa nararamdaman ng kapatid. Kung ako siya't makisig at mayaman pa, di na ko makakahindi pang magpaligaw sa lalaki. May nararamdaman din naman ito sa lalaki, kaso ay pinipigilan nito dahil sa kapatid. Ang ganda ng Ilumina at nakatadhana sila para sa isa't isa. Pagsapit naman ng dilim, panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Hindi na ligtas ang magtungo sa paliparan at kailangan ng ibayong ingat dahil sa panahon ngayon, kahit inosente ka't oras na mahulihan ng bala sa bagahe, bukod sa mapipigilan ang pagtungo sa ibang bansa, makukulong ka pa. Ang nakakainis pa, sino ba talaga ang nasa likod nito't nakakaalarmang pakinggan na sunod-sunod ang nabibiktima ng tanim bala't mga sakim sila sa salapi, makangikil lang.

7g-a. Sana'y mahuli na kung sinuman iyon upang di na madagdagan pa ang bilang ng nabibiktima. Habang tutok ang mata namin sa panonood ng telebisyon, muling narinig ang pagbubunganga ni ina't dinaig pa ang nag-aalburotong bulkan kung ito'y magalit. Dami niya talagang satsat at di na lang kumilos, kakairindi siya! Maya-maya, bigla itong nagbitaw ng di magagandang salita't ibinunton iyon kay ama maging sa akin. Nasaktan ang kalooban ko sa mga sinabi niya't sa yamot, nagawa ko na siyang murahin. Sagutan silang dalawa ni ama't palitan ng maanghang na salita. Darating na sa puntong pagbubuhatan na ng kamay ni ama si ina, kaso sa bait nito'y di niya itinuloy. Swerte niya't napakangasawa ang gaya ni ama, kung hindi'y bugbog sarado ang abot. Patawarin nawa ako ng maykapal kung nagpadala sa galit at nagawang murahin si Mama, di ko sinasadya. Hindi ko alam kay ina kung bakit dumadalas ng uminit ang ulo.


63 | 56 Limang pu't anim na araw na lamang at Pasko na, pero bago iyan ay Undas muna.

October 31, 2015
Saturday

Year III-304
7g-b. Bisperas ng Undas. Sa tuwing magigising ako at ang umagang dating maingay dahil sa pag-uusap nila Mama at Papa at iyon ang unang maririnig subalit tila nagbago ngayon at ang tahimik ng tahanan. Naninibago lamang ako sapagkat di sila nag-uusap at marahil ay buhat iyon ng kagabing nag-alitan na hanggang ngayon ay may samaan pa rin ng loob. Maging ako'y di pa malimutan ang mga sinambit niya at tila tintang di mabura-bura ang sama ng loob. Imbyerna pa ko't lalo pang sumidhi ng masilayan si ina. Wala kaming ginawa kundi mag-dedmahan sa isa't isa. Kung hindi lang siya nagpakawala ng masasakit na salita, di sana ganito ang mangyayari. Wala akong ibang inatupag sa buong umaga kundi gampanan ang gawaing bahay. Mukhang bumabawi naman si ina kaya ang sakit at galit na dala-dala ng dibdib, unti-unti ng napapawi. Gusto sanang humingi ng tawad sa kanya, kaso pinanghinaan ako ng loob at baka kung ano pa ang masabi niya.

7g-c. Pagbabantay muli sa tindahan ang sunod na inatupag, bisperas ng patay ngayon at dahil may Halloween partymamayang gabi, karamihan sa mga binibili, puro maskarang kung pagmamasdan ay nakakatakot at ang tsa-tsaka. Kinahapunan ng magtungo muli sa bahay nina Annie. Sa kadahilanang may Horror boot mamaya't sa sabik, inaya ko ito. Di naman naging mahirap ang ayain siya't sa katunayan, maging si Ate Bing at iba pa nitong kakilala, ibig ding sumama sa gayak. Matapos ang napag-usapan, tumungo pa sa bahay nina Ellen Joyce. Maging sila'y ibig din ang sumama sa gayak, mukhang magiging masaya ang pagtungo namin roon mamayang gabi. Hindi sigurado ang isip kung may Horror Boot ba sa Consti, hindi ko naman ibig na paasahin ang mga inaya kaya kahit may kalayuan, dali-daling tumungo roon.

7g-d. Pagkatungo roon, wala akong ibang nadatnan kundi mga naninirahan lamang at ang tahimik, tama nga ang hinala't walang magaganap na Horror Boot. Labis akong nadismaya pagkat di tuloy ang bonding magkakaibigan at isa-isang inabisuhan ang mga inaya pagkabalik. Ikinalungkot nila ang sinabi ko't laking pagsisisi talaga. Hindi pa ko umuwi't nanatili kina Annie. Ang saya ng buhay ko kapag nandoon sa puder nila't nakakalibang pang kasama lalo na si Annie. Sa labis na humaling na manatili sa kanila, di napansing sumapit na ang gabi. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaso madami ng naglipanang ligaw na kaluluwa't sa takot na abutan sa daan at magpakita, habang di pa malalim ang gabi'y kinailangan ko ng gawin iyon.

7g-e. Habang naglalakad, mistulan akong nasa Mundo ng mga Multo pagkat kabi-kabila ang Trick or treat at mga batang nakasuot ngcostume na pampatay at nakamaskara. Mabuti pa sila't ang saya-saya't may katatakutan pa. Pagdating ng yapak sa tahanan, biglang dumating si Elisa at sinabing may Horror boot daw, subalit di sa Consti kundi sa Garland ginaganap. Ibig ko sanang sumama sa gayak nila, kaso pagod na ang mga paa. Hindi pa ko dinadalaw ng antok at bilang pampaantok, naisipang makinig ng musika. Dahil araw ng mga patay bukas, pampatay ang naisipang magingSoundtrip. Hugot na hugot ang bawat lirikong nauulinig at nakakaiyak ang hatid nitong mensahe. Hangga't nabubuhay siya, iparamdam natin ang pagmamahal sa kanya dahil wala ng pagkakataon kapag wala na ito.


62 | 55 Limang pu't limang araw na lamang at Pasko na.