Miyerkules, Setyembre 30, 2015

33. September 2015 Journal (Day 974-1003)

September 01, 2015
Tuesday

Year III-244

6Y-A. Sumapit na ang Ber Months, hudyat ng pagsisimula ng panahon ng kapaskuhan at sadyang kay tulin ng araw. Ngayong araw rin magsisimula ang aming pagsusulit para sa Midterm. Dahil maaga ang exam, Alas-singko pa lamang ng magising at bumangon. Sa bigat ng trapiko sa lansangan, malapit ng mag-ikawalo ng ako'y makarating sa eskwelahan. Karamihan sa mga kamag-aral ay naroroon na sa silid ng datnan ko. Balak ko pa sanang ratsadahan ang aking reviewer subalit huli na't kaagad ng nagsimula ang pagsusulit. Statistical Science ang una naming pagsusulit. Madali sa unang bahagi pagkat puroidentification pero ng computation na, doon na ako labis na nahirapan at halos lumuwa na ang mata pagkat di biro ang pagso-solve. Ang lupit naman ni Sir Jigo at mukhang pinahihirapan niya kami.

6Y-b. Sa hirap ng pagsusulit at Stressful pa, ang ilang kong mga kamag-aral, di na kinaya at sumuko na subalit di ako sumuko't determinadong makakuha ng mataas na marka at papuri ni Sir. Sa sobrang abala sa pagso-solve na halos mabuwang na'y di namalayang malapit ng magtapos ang oras, ayaw ko man ito gawin pero nanghula-hula na, bahala na sa magiging resulta ng pagsusulit. Sa totoo lamang, di pala biro ang maging Statistician at kalbaryo sa utak ang sangkatutak na numero. Bago lumabas ng Campus ay tumungo pa ko sa library upang magsauli ng libro. Di ko akalaing na-over due charge ako't ang laki ng singil, gawa na wala pang pera'y di muna agad nakapagbayad. Hindi ko pa ibig ang umuwi, kaya sumama pa ko kina Hazel at Jonica patungong SM.

6Y-c. Hindi ko lubos maunawaan sa kanila kung bakit kinamumuhian si Sir Jigo, samantalang mabait naman ito, nakakatuwa, mahusay magturo at higit sa lahat, makisig pa. O marahil ay tama ang kanilang sinasabi at nabubulagan na ng pagnanasa sa kanya. Malapit ng magtanghaling tapat ng makarating sa bahay. Dala ng gutom at pagod na rin sa kaka-solve, ulam agad ang hanap ko't diretso lantak. Matapos kumain ay nag-siyesta muna ako. Sa katakawang matulog ay dakong ikatlo na ko nagising, saktong nagluluksa ang kalangitan sa kadiliman at mukhang bubuhos muli ang ulan. Ilang sandali pa'y bumuhos na ito, umiral muli ang takot sa dibdib pagkat baka kumulog o kumidlat subalit di naman naganap ang pinangangambahan.

6Y-d. Pagkatila ng ulan at matapos magmeryenda, saka ko lamang sinimulan ang magrepaso. Hirap nga naman ng buhay estudyante't di pumapasok sa isipan ang bawat inaaral at madalas ay nakakaligtaan, marahil ay ulyanin na. Dibdibang pagsusunog kilay ang siya lamang inatupag hanggang sa sumapit ang gabi. Pansamantala akong tumigil ng hapunan na. Kinagabihan at habang nanunuod ng balita'y magkahalong galit at gulat ang naramdaman ko. Dahil lamang sa selos, nagawang patayin ng lalaki ang sarili nitong mga anak at matapos ay nagpakamatay din ito. Grabe't sadyang halang ang kaluluwa niya. Matapos manuod ng telebisyon, ipinagpatuloy ko ang ang pagsusunog-kilay. Sa kagustuhang makatamo ng magandang marka, kahit lumalalim na ang gabi'y buong tiyagang nagpakapuyat sa pagsusunog-kilay.


September 02, 2015
Wednesday

Year III-245

6Y-e. Sa tindi ng pagpupuyat dahil sa dibdibang pagsusunog kilay, inabot na ng madaling araw na dilat pa rin ang mga mata't patuloy na hinahasa ang utak. Pagkatingin sa orasan, di namalayang malapit ng sumapit ang Alas-dos, kahit di pa dinadalaw ng antok ay kinailangan ko ng matulog. Dakong ikaanim na ng ako'y magising. Hindi ko ibig ang mag-aksaya ng oras at hangga't humihinga pa'y di na pinatagal pa sa pagbangon. Sa aking pagbangon ay kakaibang sigla muli ang naramdaman at tila kay kulay ng naging umaga. Kahit minsan nahihirapan na't darating na sa puntong malapit ng sumuko sa dami ng ginagawa, heto pa rin at nanatiling nakatindig at makakaya pang lampasan ang lahat sa tulong ng Panginoon. Sana nga't kayanin ko pa't kakayanin dahil walang pagdududa sa aking kakayahan. Matapos lamnan ang sikmurang magdamag na walang laman, sinimulan ko na ang pagrerepaso. Wala pa ring pagbabago't sa halip na maisuksok sa isipan ang inaaral ay kusa itong nakakaligtaan at inaantok lamang.

6Y-f. Kahit medyo nahihirapan at nai-stress sa dami ng dapat repasuhin ay di ako huminto.Theories of Personality at English ang nirepaso kong sabay subalit tila parating sablay ang pagkakabisado. Sumasakit na din ang ulo sa kakaintindi ng mga katagang sinlalim ng balon at halos mabaliw na. Maya-maya, dumating na ang pinakahihintay ko, ang tanghalian. Sa tindi ng gutom ay dagliang tumungo sa mesa't walang ano-anong lumantak. Nang malamnan ang kalamnan ay ipinagpatuloy ang pagrerepaso at iyon lamang ang inatupag sa maghapon. Sa sobrang abala sa pagsusunog-kilay, di namalayang Alas-singko na't malapit na ang hapunan, di pa pala nakakapagluto ng ulam at sa dami na rin ng ginagawa ni ina, inatusan na niya akong magluto. Di ako bihasa pagdating sa pagluluto pero sinubukan pa rin. Medyo nangangapa talaga't inosente ang pag-iisip sa paraan ng pagluluto subalit nakapagluto naman ng maayos, iyon nga lamang ay may kaunting mintis sa nilutong ulam at mukhang nasobrahan.

6Y-g. Kahit gayon ang paraan ng pagluluto'y nanlubag ang kalooban ko ng kainin nila iyon. Dati-rati kasi, kapag ako ang nagluto'y di nila pinanpansin at hinahayaang nakatengga sa mesa, ako na lamang ang umuubos pero ngayon ay di ko iyon inasahan. Pagsapit ng gabi't pagkahakbang ko, aksidenteng nasugatan ang paa. Sa lalim ng pagkakadali'y mangiwi-ngiwi ako sa hapdi't sumirit ng husto ang dugo. Mabuti na lamang, humupa ang pagdurugo ng sugat kinalaunan kaya di naman natigok. Dahil sa iniindang sugat, pasuray-suray tuloy sa paglalakad at mukhang di makakapasok bukas. May pagsusulit pa naman kami kaya pipilitin na lamang pumasok. Matapos manuod ng paboritong drama, ako'y nagrepaso muli. Alas-onse pa lamang at gawa na namamayani na ang antok, hindi ko na pinaabot pa ng madaling araw at agad ng natulog.


September 03, 2015
Thursday
Year III-246

6Y-h. Kay sarap pang humilata ng lagay sa kama't ibig pang ipikit ang mga mata ng tagal, umaga na pala't marami pa kong dapat asikasuhin kaya di na pinatagal pa ang pagbangon. Ang umaga ko naman, nanatiling masigla't makulay, lalo na't kapag sumasagi siya sa isipan. Sa halip na pagkahaba-habang pangungusap na pinag-aaralan ang tumatak sa isipan ay siya lamang ang laman nito at maging puso, hanggang ngayon ay nababaliw pa rin sa kanya, nasasabik na tuloy akong pumasok muli at sana'y maging proctor ko siya. Pagkabangon ay gawaing bahay agad ang inatupag ko. Matapos ay nagrepaso muli. Tutok na tutok ang mata sa pag-aaral subalit hirap naman makapag-concentrate sapagkat nakatanim pa rin siya sa isipan. Kung ano-ano na ngang imahinasyon ang nabubuo patungkol sa kanya't saya ng buhay kapag nagkatotoo iyon.

6Y-i. Sa kakaisip sa kanya, mukhang wala ng maisasagot sa exam kundi pangalan niya. Sa kakarepaso ng walang humpay, bahagyang ginutom ang sikmura. Wala pang naluto si ina kaya tiis-gutom muna't ilang sandali pa, sa wakas at may naluto na rin. Sa tindi ng gutom ay di nagpakahinay pa sa pagbanat.  Dakong Alas-dose na ng lisanin ng yapak ang tahanan. Dahil sa iniindang sugat na mukhang namamaga'y tila pilantod akong maglakad at nahihirapang humakbang ng ayos. Kahit damang-dama na ang kirot ng sugat, nagawa pa ring tumuloy sa eskwela't di ininda. Mabuti't pinapasok naman ako kahit nakatsinelas lamang. Pagkapasok ng Campus ay tumungo muna sa Library at sinamantala ang oras sa pagrerepaso. Lumipas ang halos dalawang oras, tumungo na ko sa silid. Saktong wala pang proctor at kakaunti pa lamang ang kamag-aral ang naroroon, nagpatuloy ako sa pagrerepaso.

6Y-j. Maya-maya pa, pumasok na ang aming Proctor at nagsimula ang pagsusulit. Theories of Personality ang una naming pagsusulit, dahil nag-aral naman ay naging sisiw naman ang pagsusulit subalit laking gulat pagdating sa huli at anong hirap. Kahit na ganon, sana'y maging maganda pa rin ang resulta. Matapos kumuha ng pagsusulit, lumabas muna kami. Habang may nalalabi pang oras bago ang susunod na pagsusulit, ako'y nagrepaso. Sa ingay ng aking kamag-aral na tila dinaig pa ang palengke, di tuloy makapag-aral ng maayos. Ilang beses ng pinagsabihan pero tila teyngang kawali't walang konsiderasyon sa mga nagsusunog-kilay ng dibdiban. Nayamot na ko't sa yamot ay nagawa ng mag-walk-out at sa labas ipinagpatuloy ang pagrerepaso.

6Y-k. Pagkapasok at minuto lang ang lumipas, pumasok na ang sumunod na proctor at iyon ay si Ma'am MactalEnglish ang sunod naming pagsusulit at naging madali naman sa pangkalahatan. Madilim-dilim na sa labas ng matapos ang pagsusulit at kanina pa pala hinihintay nila Joan. Pasuray-suray pa rin sa paglalakad na tila matandang uugod-ugod. Di ako nagpapatawa pero walang humpay ang kanilang pagtawa. Ang saya ng gabi nila dahil sa akin at parang lolo na kung alalayan. Sa saya nila kasama na nag-uumapaw, tila namanhid ang isipan sa hapdi ng sugat. Sa gutom ay diretso kain ako pagdating ng bahay. Matapos manuod ng telebisyon, nagrepaso muna ako. Maya-maya pa'y natulog na. Matutulog na sana ako ng biglang nag-arbor ang kuya sa di malamang dahilan. Nakakayamot at di namin alam ang ibig niya. Tumigil naman ito ng makuha ang gusto nito.


September 04, 2015
Friday

Year III-247

6Y-l. Dama na ng katawan ang malamig na panahon na tila dama na ang Pasko kahit ito'y malayo pa. Sa lamig ng panahon, sarap pang humiga't matulog. Ako na lamang pala ang nakahiga't malapit na rin mag-ikapito kaya bumangon na ko. Pagkabangon ay pagbubuklat agad ng hand-out ang siyang inatupag. Naiinis na ko sapagkat ilang ulit ng binabasa ang nakasulat, di maipasok-pasok sa isipan. Ramdam pa rin ang pananakit ng paa dahil sa sugat at mukhang namamaga ito. Sa takot na lumalala, naisipan ko ng ipatingin sa Doctor ngunit tumanggi sila ina't napaulanan pa ng mapupusok na salita. Hindi lamang maiwasang sumama ang loob sa kanya, paano kung magsalita'y parang wala siyang Concern at patuloy ang paninisi sa akin. Hindi mawari kung bakit ganon siya umasta, nilawakan na lamang ang pag-unawa sa kanya't di na ipinaggiitan pang magpa-check-up.

6Y-m. Bago pa man magtanghaling-tapat ng ako'y tumungo sa unibersidad. Dahil ramdam pa rin ang pamamaga ng sugat, naging pasuray-suray ako sa paglalakad. Hindi na nga lang inintindi kung anong sasabihin ng mga nakakasalubong basta't mahalaga'y nakapasok pa rin. Tumungo muna ako sa may library at doon nagrepaso. Halos isang oras ang lumipas, tumungo na ko sa silid. Saktong wala pang proctor at wala kaming ibang inatupag kundi magsunog-kilay. Ilang sandali pa, pumasok na ang aming proctor. Education 6 ang naging pagsusulit namin ngayon. May mga oras na ako'y nalilito sa pagsagot pero sa pangkalahatan, madali lamang iyon. Sa sobrang dali, kaagad akong natapos sa pagsusulit. Hindi muna agad umuwi't tumungo pa sa Cashierupang magbayad. Pagkabalik ay saktong tapos na rin sila Joan sa pagkuha ngexam at sila muli ang nakasabay sa pag-uwi. Lumiligaya ang araw ko kapag kasama sila, lalo na itong si Mika, daming pahirit na jokes kaya di mapigilang tumawa. Sa kakatawa'y muntikan ng sumakit ang sikmura.

6Y-n. Pampawala rin sila ng sakit ng ulo. Malapit ng mag-ikalima ng makarating sa bahay. Sa pagod na hatid ng pagsusulit ay agaran akong nagpahinga. Pagkagat ng gabi, medyo nakakaalarma ang napanood kong balita sapagkat dumarami na ang mga batang nadudukot, nakakatakot. Sa panahon na ganito ang sitwasyong nararanasan ay kailangan ng mag-ingat at parating bantayan ang mga bata. Hindi na ko bata subalit tila natatakot na tuloy lumabas at di na ligtas. Matapos manuod ng telebisyon, pagrerepaso muli ang inatupag ko. Para saan pa itong ginagawa kong pag-aaral kung di naman pumapasok sa utak? Nakakaasar at marahil ay nag-uulyanin na. Diyos na ang bahala sa akin sa pagsusulit at tiwala ako sa kanyang di pababayaan.


September 05, 2015
Saturday

Year III-248

6Y-o. Habang dibdiban ang akong nagsusunog-kilay, biglang naulinig ang pagtilaok ng manok. Inabot na pala ako ng madaling-araw at gawa na mugto na rin ang mata sa antok, napagpasyahan ng matulog. Dakong ikapito na ng umaga ako nagising at bumangon. Sa aking pagbangon ay kakaibang sigla muli ang umiral sa dibdib at animoy buong araw na magiging maganda't masigla ang araw ko, sana nga. Huling araw na ng aming pagsusulit kaya kailangan ng itodo ang pag-aaral.  Anong hirap pa ring mag-aral at walang pumapasok sa utak, nakakawalang gana ng magrepaso. Maya-maya'y kumain na ko't nagbihis. Dakong Alas-onse na ng lisanin ko ang tahanan. Habang lulan ng sasakyan ay saktong nakasalubong si Ingrid, may katsikahan nanaman ako. Bago magtungo sa kanya-kanyang silid ay sinamahan ko pa ito sa pagkuha ng permit. Pagdating ng silid, mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang naroroon. Habang may nalalabi pang pagkakataon ay buong tiyaga akong nagrerepaso.

6Y-p. Ilang sandali pa, pumasok na ang aming Proctor. Cognitive Psychology ang una naming pagsusulit. Iba talaga ang hirap kapag si Ma'am Ria ang gumawa, tapos may Crossword puzzle pa kaya halos mabuwang na sa kakahanap ng sagot. Kahit nagrepaso ako, sa pangkalahatan ay nahirapan ako sa pagsusulit. Matapos ay lumabas muna kami. Katamad ng magrepaso kung di naman pumapasok sa isip, kaya ito ako't pakikipagtalastasan sa kamag-aral ang inatupag. Makalipas ang ilang sandali, pumasok na ang aming Proctor. Zoology 2 ang sunod naming pagsusulit. Naging mahirap din ang pagsusulit na iyon at gawa na ayaw ng sumakit ang ulo sa kakaisip ng isasagot, minani-mani ko na lamang ang pagsi-shade sa answer sheet. Dahil inapura ang exam ay mabilis naman akong natapos.

6Y-q. Habang nasa biyahe'y anong dilim muli sa kapaligiran at di magtatagal ay bubuhos nanaman ang ulan. Inabutan na nga ng ulan sa daan subalit saglit lamang. Habang naglalakad pauwi'y nakita ko ang nagtatalimang kidlat at sinusundan pa ng malabombang kulog, labis-labis ang aking sindak subalit nilabanan ko. Laking pasalamat sa panginoon sapagkat ligtas akong nakauwi ng bahay. Natapos din ang lahat ng pagsusulit at pwede ng magbuhay alamang. Kinagabihan, medyo naka-relate lamang ako sa natunghayang palabas sa Home Sweetie home sapagkat isang estudyante ang nahulog ang puso sa kanyang professor at naging sila pa nga, nakakakilig tuloy. Iyon nga lang, tutol ang nanay at kapatid nito sa pakikipagrelasyon sa professor at mukhang walang Forever sa kanila. Sana mangyari sa akin kung anuman ang nangyari sa kanya subalit tila napakaimposible ng aking hinahangad. Sa tuwing naiisip siya, kumukurot pa rin ang kilig sa puso at pakiramdam ko, sakop niya ang buong Mundo ko.


September 06, 2015
Sunday
Year III-249

6Y-r. Tirik na ng husto ang haring araw sa labas subalit sa lamig ng panahon ay ibig pang matulog ng matagal. Malapit na palang mag-ikawalo kaya kaagad ng bumangon. Hindi kagandahan ang umaga ko sapagkat dama ang pananakit ng lalamunan at mukhang sisipunin muli. Kahit nagbabadya ang masamang pakiramdam, nagawa pa ring maglaba. Matapos ang paglalaba, heto muli ako't mag-eembalsamo ng pusa, sasabak nanaman ang sarili sa amoy ng Formalin at nawa'y kayanin ko. Sa tapang talaga ng Formalin, di mapigilang maluha habang tinuturukan ang pusa subalit tiniis na lamang. Upang mabawasan ang tapang ng Formalin, pinahiran ko ng langis at anong bango sa pang-amoy. Maya-maya at sa wakas, natapos rin ang pagtuturok at makakalanghap na ng preskong hangin. Nakakabato kapag walang magawa kaya naisipang linisan ang pader ng palikuran na nanggigitata sa pagkaitim.

6Y-s. Sa kakakuskos, nangaubos ng husto ang lakas subalit nagtagumpay naman sa pagpapaputi. Lalo pang sumungit ang timpla ko, kaya matapos mananghalian, daglian ang aking pagpapahinga. Di naman makatulog gawa na maalinsangan ang panahon. Pagkadilat, malapit na palang sumapit ang Alas-tres. Linggo ngayon at dahil matagal na ring di nakakapagsimba't batid sa sariling napupuno na ng kasalanan, binalak kong magsimba. Nagtungo muna kina Angelica upang ayain itong magsimba. Pagdating ay saktong nagbibihis na ito, di ko na kinailangan pang ayain dahil balak niya ring magsimba. Si Angelica at Melba lamang ang nakasama sa pagsisimba. Pagdating namin sa Saint Peter Parish, di pa gasinong karami ang nanampalataya kaya madali kaming nakapasok. Saktong nagsisimula na ang misa pagkapasok namin. Mahigit dalawang taon na rin palang di nakakapagsimba sa simbahang iyon at di na halos makilala ang patakaran sa laki ng pagbabago.

6Y-t. Matapos ang misa at bago umalis, nagtirik muna ng kandila upang magpasalamat sa Panginoon. Sa totoo lang, iba ang mararamdaman kapag kausap mo ang Panginoon at tila bang napapawi ang takot na kaharapin ang mga bagay-bagay dahil nandiyan siya at di pababayaan. Matapos magdasal at sa halip na umuwi, naisipan pa naming tumungo sa Ever Gotesco Mall at tamang pasyal-pasyal. Medyo nasarapan lamang kami sa paglalakwatsa na tila di maawat kaya inabutan na ng gabi sa pag-uwi. Sa bait ng Maykapal, ligtas kaming nakauwi. Sa hinaba-haba ng nilakad ay medyo napagod ako kaya diretso hilata pagkaalpas ng yapak sa tahanan. Balak ko sanang manuod ng Telebisyon subalit kumikidlat at nakulog. Ilang sandali pa, bumuhos na ang ulan. Sa pagsapit ng gabi ang lalo pang pagsama ng pakiramdam at sinisipon ng sunod-sunod. Sa walang humpay na pagtulo ng uhog, di naging masarap ang tulog sa magdamag. Mukhang magkakasakit marahil ako na huwag naman sanang mangyari.   


September 07, 2015
Monday

Year III-250

6Y-u. Wala pa ring patid ang pagtulo ng sipon kaya may mga oras na nasisira ang tulog ko. Mukhang magdamagan akong sinipon at mamasa-masa na nga ang bimpo sa kakasinga. Bukod sa sinisipon ay masakit din ang lalamunan at tila bang lalagnatin ako. Medyo giniginaw din kaya balot na balot ang sarili sa kumot. Kay sungit ng aking pakiramdam at di makatulog ng ayos. Dakong umaga na ng ako'y magising, bahagya namang umigi ang pakiramdam subalit sinisipon pa rin. Tamang higop lang ng mainit na kape ng sa gayo'y maibsan ang nararanasang lamig. Dahil sinisipon, di ko magampanan ang gawaing bahay, naupo na lamang at nilibang ang sarili sa pagkulwit ng cellphone. Hindi maglalaon at gagaling din ito. Hindi ako pupwedeng magkasakit ngayon at sana gumaling na sa lalong madaling panahon.

6Y-v. Medyo nanamlay din ng lagay at pakiwaring lalagnatin kaya madalas, nakaratay sa higaan. Panibagong gastos muli ito kapag nagkasakit ako. Hindi ko naman ibig na lumala ito kaya walang ginawa sa maghapon kundi magpahinga. Pagsapit ng hapon, bahagya ng nanumbalik ang dati kong sigla at parang bulang naglaho ang sipon ko. Medyo nababatong manatili sa bahay kaya naisipang magtungo sa Computer shop. Saktong kakaunti lamang ang mga naupa kaya naging matahimik at maayos mong magagawa ang naisin. Sana parating ganon, di lang sa shop na inuupahan ko kundi sa lahat, matahimik, maayos at walang mga tambay ang pakalat-kalat ng sa gayo'y di mabulahaw ang mga umuupa. Sa sobrang humaling ng mata sa pagtutok sa Computer shop, di napansing malapit ng mag-ikalima. Habang naglalakad pauwi'y biglang nanumbalik ang pagsungit ng pakiramdam. Kahit nananamlay at mukhang lalagnatin, ipinagpatuloy pa rin ang pagkilos, makarating lang sa bahay.

6Y-w. Lumubha pa lalo ang lagay pagsapit ng gabi't parang nanghihina ako. Kahit nanghihina'y pinilit pa ring bumangon upang maghapunan. Maging panlasa't pang-amoy ko ay naapektuhan na ng malalang sipon at di ko malasahan ang kinakain. Bukod pa roon ay hirap din lumunok dahil sa pananakit ng lalamunan. Sa puntong iyon, malubha na ang aking kalagayan. Sa sama ng pakiramdam at dahil nilalagnat pa, diretso hilata sa kama matapos maghapunan at ibinalot ang sarili sa makapal na kumot. Bahagya namang bumaba ang lagnat ko sa paglalim ng gabi subalit hirap makahinga pagkat barado ang ilong. Mukhang di marahil makakapasok bukas dahil napakasama talaga ng pakiramdam ko subalit pipilitin pa rin alang-alang sa aking matutuhan at sayang ang araw kapag di ko siya masisilayan. 


September 08, 2015
Tuesday

Year III-251

6Y-x. Tuluyan na ngang humupa ang lagnat ko subalit wala pa ring patid ang pagtulo ng uhog at dama pa rin ang pananakit ng lalamunan. Sa kadahilanang mayroon pa kaming dissection ng pusa at di iyon maaring ipagpaliban sa takot na iyon ay amagin kaya kahit masama ang timpla, pinilit ko pa ring pumasok. Kahit tinakasan ng lakas, buong tiyaga pa ring binuhat ang napakabigat na Cat Bag. Pagdating sa may Laboratoryo, mangilan-ngilang kamag-aral ko pa lamang ang nadatnan. Sa halip na makipagpalitan ng kuro-kuro, sa sama ng pakiramdam ay sinamantala ang oras sa pagpapahinga. Di naman ako makapaghinga ng maayos dahil sa ingay.  Maya-maya pa'y nagsidatingan na ang ilan kong kamag-aral at maging si Sir Patrick. Sa pagpasok ni Sir Patrick ang pagsisimula ng Cat Dissection. Masuka-suka't maluha-luha pa rin sa tapang ng Formalin subalit walang ginawa kundi magtiis at nagpatuloy sa pagtatanggal ng taba. 

6Y-y. Alas-otso pasado na at nasa kalagitnaan na kami ng dissection subalit di pa dumarating si Sarah, iniisip ko na baka nahuli lamang ito subalit biglang ipinabatid sa akin ni Joyce na di raw ito makakapasok. Ano ba iyan, di man lang niya inisip na may dissection kami, tapos nakuha pang lumiban. Kung ganon lamang ang mangyayari'y di na lang dapat ako pumasok. Dahil wala si Partner, buong sikap at tiyaga kong pinagtatanggal ang taba ng pusa. Nahihirapan lamang di dahil sa mag-isa kundi dahil sa iniindang karamdaman. Sa sama ng timpla, darating na sa puntong ibig ng iligpit ang Pusa kahit di pa tapos subalit di ako sumuko't tiniis ang bagsik ng Formalin kahit nakakasama na sa aking kalagayan.

6Y-z. Nang masimot lahat ng taba, pinasakan ko na ito ng mga pin na maylabel. Halos lahat na sa mga kamag-aral ko, natsekan na ni Sir Patrick. Sa inip ay ibig ko ng tanggalin ang mga pin subalit sayang naman ang Effort kung gagawin iyon. Second to the last ako sa natsekan ni Sir Patrick at nanlubag ang kalooban dahil mataas ang nakuha ko, sariling sikap kasi. Nakaraos rin sa amoy ng Formalin at di akalain sa sariling nakaya iyon sa kabila na may karamdaman. Masamang-masama na talaga ang pakiramdam ko at nanamlay pa kaya di na binalak pang dumalo sa mga susunod pang klase at umuwi. Diretso pahinga ako pagdating ng bahay at mukhang lalagnatin muli. Sa katakawang matulog, dakong hapon na ako nagkamalay.

6z-A. Pagkagising ay dinig ko ang boses na tila pamilyar sa pandinig na kausap ni Mama. Pagkabangon, si Ate Wenang pala at dumating na ito galing Cagayan. Maingay nanaman si Mudra dahil kay Ate Wenang. May dala rin itong pasalubong at iyon ang naging meryenda ko. Di pa rin maganda ang kalagayan ko't sinisipon pa rin kaya di gaanong naglalabas-labas. Pagsapit ng gabi, bumuhos nanaman ang napakalakas na ulan na sinabayan pa ng pagkulog at kidlat. Sa lakas ng ulan, lubog nanaman sa baha ang Sitio Ison site at di na madaanan. Pagkatila ng Thunderstorm, saka lamang kami nakanuod ng telebisyon. Medyo sumasakit na rin ang ulo ko kaya di na gaanong ibinabad ang mata sa panonood at agarang natulog. Tila may tumutusok na karayom sa sakit ng ulo at naging mapait ang tulog ko. Ano kayang sakit ang dumapo sa akin at nagkakaganito ako? 


September 09, 2015
Wednesday

Year III-252

6z-b. Pagkagising ay parang tinta ng Ballpen ang sakit ng ulo na di mawala-wala at patuloy pa ring nararanasan ang kirot nito. Sa tindi ng sakit na tila may kung anong bagay ang tumutuhog nito, halos ikabaliw ko na. Bukod sa masakit ang ulo'y tila nasusuka din ako, wala namang maisuka pagkat walang laman ang tiyan. Umaga na pala at kahit nananakit ang ulo'y nagawa pa rin bumangon upang mag-almusal. Bukod sa kumikirot ang ulo'y nawalan na rin ng ganang kumain at pakiwaring ako'y naduduwal. Di pa nga natutunaw ang kinain ay bigla na lamang ako nagsuka at ito'y paulit-ulit. Sa kakasuka'y lalo pa kong nanghina't di magawang umupo ng matagal at ibig parating nakaratay. Sa sakit ng ulo ko, buong umagang nakahiga. Hindi naman makatulog pagkat kumikirot ng husto ang ulo't idagdag pa ang nalilikhang ingay nila Mama at Ate Wenang na tila di nauubusan ng sasabihin.

6z-c. Tumahimik lang ang bahay ng umalis na ang Ate Wenang. Si Mama naman, sa halip mag-alala'y pinaulanan pa niya ko ng sangkatutak na sermon. Sa totoo lamang ay nagi-guilty na ko sapagkat maglalabas nanaman sila ng maraming pera, gumaling lang ako. Matiwasay naman ang aking pagtulog kinalaunan. Dakong hapon na ng dumilat ang aking mga mata't tila bulang naglaho ang sakit ng ulo. Sa pagkawala ng pananakit ng ulo'y ang bahagyang pagbuti ng aking pakiramdam at humumpay na rin ang pagsusuk subalit barado pa rin ang Ilong dahil sa malalang sipon at patuloy pa ring inuubo. Kahit bumuti-buti ang lagay, di pa rin gasinong nagkikilos-kilos at maghapong nakaratay sa kama.

6z-d. Pagsapit ng gabi, naghari muli ang kaingayan sa kapiligiran na halos ikarindi na namin. Ang ingay na nga ng mga nagbibidyooke, tapos parang tagabundok kung magkwentuhan ang mga tambay, masyado na silang nakakabulahaw. Sa ingay ng kapaligiran, di na halos magkarinigan. Nagsialisan lamang ang mga maiingay na tambay ng bumuhos ang ulan. Takot muli ang nadarama sa dibdib sa pangambang baka kumulog at kumidlat muli ng napakakinam at lakas subalit di naman nangyari iyon. Sa paglalim ng gabi'y muli nanaman akong inapoy ng lagnat. Sa taas ng lagnat, halos manginig ako ng husto't mamaluktot sa tindi ng nararanasang ginaw. Wala akong ginawa kundi matulog.


September 10, 2015
Thursday

Year III-253

6z-e. Humupa na ang lagnat ko subalit di pa rin mawala-wala ang pagkakaroon ng sipon at mahapdi ang lalamunan. Dahil mag-iisang linggo ng ganito ang aking kalagayan, inabisuhan na ako ni Mama na magpatingin sa Doktor. Hindi ko sana ibig ang sumailalim sa Check-up dahil batid ng isip na ito'y magastos subalit utos pa rin ni ina ang nasunod. Maginha-ginhawa na ang aking pakiramdam at di na nanamlay kung kaya di na nagpasama pa kay ina upang alalayan at mag-isang tumungo sa UST hospital. Malapit ng sumapit ang ikasampo ng umaga ng makarating ako sa UST, ilang buwan pa lamang akong di nakakapunta sa unibersidad na iyon subalit hindi na halos makilala sa laki ng pinagbago. Labis lamang ang pagkailang pagkat wala man lang gaya kong pasyente ang nakakasalubong kundi mga estudyante't ang babango't ang lilinis pa nila. Bukod pa roon ay masarap rin mag-aral doon pagkat madaming naggagwapuhang kalalakihan. Kahit ganon ay di mahihigitan ang kakisigan niya sa paningin ko.

6z-f. Malamang ay habulin siya ng mga babae o binabae ng panahong nag-aral siya dun. Saktong naroroon na si Doctora Dacayan pagkarating ng yapak sa Clinic subalit di pa ko kaagad nakapagpa-check-up sapagkat may nauna sa akin, naghintay pa ko. Lumipas ang halos isang oras na paghihintay, sa wakas ay natawag na rin ako. Natatawa ako sa pinagagawa ng Doktora sa akin at inilahad ko ang lahat ng nararamdaman. Maya-maya ay sinabi sa akin ng Doctora Dacayan na Acute Bronchitis ang taglay kong karamdaman. Ano ba ito't kung ano-ano ng sakit ang sumasagupa sa akin, dati PneumoniaTuberculosis tapos may Bronchitis naman, pambihirang patis naman at may pag-asa pa bang gumaling? Dami ring gamot na inireseta sa akin ni Doktora at di ko alam kung anong magiging reaksyon nila ina kapag ipinakita iyon.

6z-g. Matapos magpa-check-up at dala na rin ng gutom, naisipan ko pang kumain sa McDonald's. Malapit ng sumapit ang Ala-una ng makarating ng bahay at agaran kong ipinakita kila ina ang niresetang gamot. Pagkabili ni Mama ng gamot, maladyamante ang presyo pagkat napakamahal. Magkakasakit na nga lang ako, libo pa ang nagastos at mahal talaga ang magkasakit. Kahit mabuti na ang pakiramdam, maghapon pa ring nagpahinga upang magpalakas. Dahil may sakit ako, sangkaterbang bato nanaman ang lulunukin ko, sana maging kasing ganda ko si Darna. Naging maulan nanaman ang hapon na siyang nagbigay lamig sa pakiramdam. Pagsapit ng gabi at gawa na walang magawa, panonood ng television ang inatupag ko. Dami ko ng Absent at dahil may pasok pa bukas, maaga akong natulog.


September 11, 2015
Friday

Year III-254

6z-h. Kaunting galawan na lamang at malapit ng sumapit ang ikalima ng umaga ng magkamalay. Medyo inaantok pa't nakakatamad pang bumangon kaya naisipang mamaya na lang pumasok. Dahil sa pagkakasakit ko'y dami na ringabsent at di na pupwede pang lumiban sa klase. Paano naman ako makakapasok nito kung di pa gasinong magaling. Sa katunayan ay inuubo pa rin at wala pa ring patid ang paglabas ng uhog. Di naman ako nilalagnat, isa pa'y marami na kong na-miss na lesson kaya papasok na ko. Malapit ng sumapit ang Alas-nuebe ng lisanin ko ang bahay. Pagdating sa eskwelahan at bago ipihit ang yapak sa silid, tumungo pa ng clinic upang isumite ang Medical certificate. Hindi nila tinanggap ang Medical certificate ko sapagkat di pa raw lubusang magaling at di rin pinayagang pumasok.

6z-i. Hindi ko nagustuhan ang naging desisyon nila subalit wala akong magagawa't marahil ay kailangan pa bigyan ng panahon ang sarili upang magpagaling. Ng ako'y tutungo sa Guidance ay saktong namataan si Sir Gelo. Ibibigay ko sana sa kanya ang Medical Certificate maging excuse letter subalit maging ito'y di tinanggap at inabisuhang magpahinga muna raw ako at siya na raw bahala sa mga professor ko. Napanatag ang kalooban ko ng sabihin niya iyon at matapos naming mag-usap, agaran ng umalis. Kung kailan papalabas ng Campus ay nakasalubong naman si Ericka. Mapagkakatiwalaan naman siya kaya ipinasuyo ko na ang Medical certificate sa kanya at sinabing siya ng bahalang ipakita iyon sa mga Professor ko. Pumayag naman ito. Napakakati talaga ng lalamunan at parang kahol ng aso kung umubo. Habang lulan ng dyip ay may mga Badyao ang biglang umakyat at nanghihingi ng limos. Ang dudungis nila't pwede ng gamiting pamunas ang kasuotan nila.

6z-j. Nahabag ako subalit di ko naman mabigyan pagkat walang pera. Hindi ko lang maintindihan at bakit maraming naglilipanang Badyao tuwing papalapit ang Pasko at dito pa nila napipiling mamalimos. Kaagad kong ikwinento kay Mama ang lahat pagkarating sa bahay. Matapos kumain ng pananghalian, diretso Siyesta ako. Hindi naman makatulog ng ayos dahil panay ang ubo't sinisipon pa. Acute Bronchitis ba naman ang dumapo sa akin at sa lala nito'y mukhang matatagalan pa bago gumaling, Diyos na ang bahala sa aking kalusugan at pagalingin niya sana ako. Lahat ng bagay sa Mundo ay may hangganan, di magtatagal at malalampasan ko ito. Sana ito na ang huling pagkakataong ako'y magkakasakit upang di na muli pang gumastos ang aking mga magulang. Habang nabubuhay ako ay kakambal na talaga ang mga sakit.


September 12, 2015
Saturday

Year III-255

6z-k. Wala pa ring pagbabago sa kalagayan ko sapagkat di pa rin nilulubayan ng ubo at sipon subalit di na nanamlay at kung tutuusi'y masigla na ang pakiramdam ko. Kahit magaling-galing na'y di pa rin ako pumasok upang bigyan pa ng panahon ang sariling makapagpahinga. Kamusta na kaya ang mga kamag-aral ko't sa ilang araw na pagliban ko sa klase'y di sana maapektuhan ang mga grado ko. Kamusta din kaya ang mga nakuhang marka nitong Midterm exam at sana'y pawang matatayog. Sa halip na maagang-maaga'y tirik na ng husto ang haring araw sa labas ng ako'y bumangon. Medyo nababato talaga at ibig na lumabas ng bahay subalit pinagbawalan ako nila Mama. Mistulan tuloy presong nakapiit sa tahanan at di makalabas-labas sa pangambang lumala ang aking nararamdaman. Pakiramdam ko, nagiging bukbukin na kapag nagmumukmok sa bahay at walang ginagawa.

6z-l. Hindi ko naman ibig mangyari iyon, upang di tuluyang lamunin ng pagkabagot, paglalaro ng gadget ang inatupag hanggang sa magtanghali. Pagsapit ng tanghaling tapat at sa di inaasahan, aksidenteng nakagat ng aso ang Kuya Al habang kumakaripas ito ng takbo. Iyan ang hirap sa kapatid ko, bigla-bigla na lamang tatakbo palabas kapag nakakarinig ng tugtog pero bumabalik naman. Si Mama naman, kita sa mukha ang pagkabalisa't di maialis ang pag-aalala. Kung ano-ano na ngang iniisip at pinapangamba niyang mag-asal aso raw ito. Dalangin lamang namin, wala sanang Rabies ang asong kumagat sa kanya at kung mayroon man, huwag na itong kumalat at mawala na lang. Sa sobrang pag-aalala ni Ina na mukhang di na alam ang gagawin, di ito makapirmi sa iisang tabi't panay atubili kay ama na paturukan na ito sa City Hall. 

6z-m. Sarado naman ang City Hall ng ganitong araw, kaya walang magagawa kundi maghintay. Sa lumipas na maghapon, pasalamat kami't wala namang nangyayaring kakaiba sa kapatid ko subalit di namin magawang makampante at mapanatag. Wala akong magawa kaya naisipang magtiklop ng nilabhang mga damit at iyon ang napagkaabalahan. Pagsapit ng gabi, panonood naman ng telebisyon ang inatupag ko. Kahit namomoblema dahil sa napahamak ang kapatid ay masaya pa rin ang gabi dahil sa Your Face Sounds Familiar. Bawat kalahok ay may inihandang pasabog at pakwela, kaya halos kabagan ako sa kakatawa. Sa kakatawa, muntikan ng kapusin ng paghinga subalit di naman nangyari iyon. Magagawa na sanang matulog subalit hindi dahil sa ingay ng kapaligiran na gawa ng tugtog at ng mga kalalakihang walang ibang ginawa sa buhay kundi tumambay at maghasik ng kaingayan. Nagtiis na lamang kami. Diyos na ang bahala sa kapatid ko't pagalingin niya sana ito, di ako nagdududa sa kanya.


September 13, 2015
Sunday

Year III-256

6z-n. Araw muli ng Linggo, ito ang araw upang ialay ang oras natin sa Panginoon ng taos puso't magpasalamat na rin sa kanya dahil siksik, liglig at umaapaw ang pagpapalang natatanggap sa kanya. Sa sarap ng tulog, maliwaliwanag na sa labas ng ako'y magising at bumangon. Kay sigla ng aking pakiramdam sa kabila na inuubo't sinisipon pa rin ng pagkalapot-lapot. Di naman magawang magsaya dahil sa kapatid kong hanggang ngayon ay iniinda pa rin ang sugat na likha ng kagat ng Aso. Si Mama naman, madalas nakahilata sa kama dahil labis-labis pa rin ang pag-aalala at mukhang napanghihinaan na ng loob. Pinaliwanagan ko siya subalit mistulang teyngang kawali't di magawang huminahon.

6z-o. Alam kong normal lang sa isang magulang ang mag-alala kapag napapahamak ang anak at nalalagay sa peligro ang buhay, subalit naiinis ako sa kanya dahil nagiging overreact  na ito at eksaherada pa kung mag-isip. Matapos mag-almusal, ginampanan ko na ang gawaing bahay. Matapos maghugas, paglalaba naman ang inatupag ko. Makulimlim ang papawirin at tila marahil di magpapakita ang haring araw, di tuloy makakapagpatuyo. Kahit lumipas na ang isang araw, wala pa namang masamang nangyayari kay Kuya Al at masigla pa nga ito.

6z-p. Lalo pang sumidhi ang pag-aalala ni Mama ng marinig nito sa kapitbahay ang tungkol sa mga insidente ng nakagat na aso at maging ako'y kinilabutan sa kanilang kwento. Sa kabila na kapatid ko siya, sa totoo lamang ay di ako nag-aalala sa kanya at panatag lamang ang kalooban, di alam kung bakit. Pagsapit ng hapon, pag-eembalsamo muli ng Pusa ang inatupag ko kahit di pa lubusang magaling. Dahil nasa banyo't kulob, halos ma-suffocate ako sa amoy ng Formalin subalit tinitiis lang. Matapos ay doon na ako nakaramdam ng kaunting hilo kaya maghapong nakahiga. Pagsapit naman ng gabi ng maibsan ang hilo. Naging maulan ang gabi na siyang nagbigay lamig at katahimikan sa aming pagtulog.


September 14, 2015
Monday
Year III-257

6z-q. Ang kagabing maulan ay kasalungat naman ng ngayong maaliwalas ang panahon. Sa aliwalas nito ay mukhang walang darating na unos. Sana gaya ng panahon ang buhay namin na maaliwalas at masaya. Mataas na ang sikat ng araw ng ako'y magising at bumangon. Patuloy pa ring kinikimkim ng Mama ang problemang aming kinakaharap kaya panay lambing ito sa kapatid ko. Habang nakikita kong masaya at matamis na nilalambing ni Mama ang kuya ay di ko maiwasang magselos. Di ko ito dapat maramdaman sapagkat may kapansanan ang kapatid at nangangailangan ito ng lubos na kalinga't pagmamahal pero hindi ko mapigilan. Kapag inunawa ko naman sila, nasasaktan ako. Hindi na nga ako nilalambing ni Mama, tapos madalas ay napapagalitan pa. Hindi na lamang ibinaling ang tingin sa kanila upang maparam ang nararamdaman ko.

6z-r. Ang kinakainis ko pa kay Kuya Al, minsan na nga lang kami mag-usap ni Mama, nagagalit ito at magwawala pa kapag di pinapansin. Dahil sa Psychology student ako, walang ginawa kundi intindihin na lamang siya kahit nayayamot na. Sa dami ng tao sa mundo, kapatid ko pa ang nagkaganyan. Walang magawa kaya naisipan kong manood ng Youtube. Ang kaninang pagkayamot sa kanya, napalitan ng pag-aalala ng mapanood sa Video ang tungkol sa mga taong mayRabies. Nakakatakot at hindi pala biro ang magkaroon ng Rabies sapagkat nagiging bayolente't mabangis ang mga tao at mas masahol pa sa Baliw. Kaawa-awa at masalimuot ang buhay nila. Lalo pang napanghinaan si Mama ng loob ng mapanood iyon sa Youtube kaya apuradong-apurado ng paturukan ang Kuya Al. Hiling lamang namin, huwag ito magpumiglas kapag tututukan na.

6z-s. May Follow-up, check up pa ko kay Doctora Dacayan kaya agad ng nagbihis matapos mag-almusal. Dakong Ikasampo na ng umaga ako nakarating sa UST hospital at saktong naroroon na ang Doctora Dacayan. Kaagad naman akong tinawag ng sekretarya. Habang sumasailalim sa Check-up ay tinanong na rin sa Doktora kung saan pwede magpaturok ng Anti-rabies. Lubhang napakamahal pala subalit may mura, iyon nga lamang ay sa San Lazaro Hospital at malayo iyon mula sa amin. Dahil may natira pang pera, balak sanang magtungo saOLFU upang magbayad para sa Theater play subalit napigilan ng awa't isa pa ay ayaw ko ng madagdagan pa ang gastusin.

6z-t. Kung hindi lamang nagkasakit, makakasama sana ako sa aming Play. Pagdating sa bahay ay siya namang pag-alis nila Mama at Papa upang paturukan na ang Kuya. Sana'y matagumpay ang paglalapat nila ng Anti-Rabies sa kanya ng sa gayo'y matapos na ang aming kinakaharap. Ako lamang mag-isang naiwan sa bahay at umiral ang takot sa dibdib. Sa pangambang malooban ng kawatan, lahat ng pwedeng pasukan ay pinagkakandado't sara ko. Sa panahon ngayon ay uso na ang nakawan, lalo na't kapag walang tao o mag-isa ka lang. Si Lord na ang bahala sa akin. Natulog muna ako at pagkagising ay saktong dumating na sila Mama. Sa awa naman ng Diyos ay walang kahirap-hirap na naturukan ang kapatid ko. Sa wakas at mapapanatag na rin ang kalooban ni ina matapos ang dalawang araw na kita kong lukot ang mukha nito't nanlulupaypay. 


September 15, 2015
Tuesday
Year III-258

6z-u. Ngayong araw ang aming Theater play, gustuhin ko man dumalo at manuod subalit di naman maaari sapagkat may taglay pang sakit at di ako pinayagan nila ina. Dahil excuse kami sa lahat ng subject sa araw na ito, di muling makakapasok. Sayang at di ko nanaman makikita ang taong nagbibigay kulay at ligaya sa araw ko. Kamusta na kaya siya? Tirik na ang haring araw sa labas ng magpasyang bumangon. Matapos magkape at kahit di pa lubusang magaling gawa na nababato'y gawaing bahay ang inatupag ko. Laking tuwa't gulat namin sapagkat pagkarating ng Papa galing palengke'y may bitbit itong maliit na pusa. Ang cute at sarap alagaan kaso nga lamang ay makulit. Maigi na ring may pusa sa bahay ng sa gano'y walang mangangahas na mga bubwit na pumasok na ilang buwan ng namemerwisyo sa amin. Dahil cute, cute rin ang naisipang pangalan at pinangalanan kong "Kathy". Sa kulit ni Kathy ay nasira na ang pawawalis ko.

6z-v. Matapos ang gawaing bahay, pamamalantsa naman ang inatupag ko. Pagsapit ng hapon at pagkagising, animoy gabi sa dilim ng kapaligiran, ilang saglit pa'y bumuhos na ang napakalakas na ulan na sinabayan pa ng pagkulog at pagkidlat. Mayroon akong Astraphobia kaya labis ang takot sa dalawang elementong iyon at ibig ng magtago sa ilalim ng lababo. Parang bulang naglaho ang takot sa dibdib matapos ang Thunderstorm. Walang magawa sa bahay kaya naisipan kong magkumpyuter. Pagkatungo sa Computer Shop ay biglang may kumalabit sa akin, di akalaing si Ashley pala iyon at kamustahan kami. Wala pa ring pagbabago sa kanya sapagkat suplado ito. Hindi ko batid sa kanya't tila naninikip ang mundo ko kapag kasama siya. Nawawala tuloy ako sa konsentrasyon sa ginagawa dahil naririyan siya.

6z-w. Matapos magkumpyuter, naisipan ko pang tumungo sa bahay nina Angelica. Abala ito sa paghuhugas ng datnan ko't kami'y kwentuhan dalawa. Habang kami ay nag-uusap ay bigla kaming tinawag ni Melba. Wala akong kamalay-malay at nausog ko pala ang anak niya. Ang weird lang sapagkat may taglay na nga akong sakit tapos ipapalaway pa nila sa akin ang Sanggol. Kahit labag sa kalooban ko sa takot na mahawaan ang anak niya'y nilawayan ko pa rin. Hindi ko na kasalanan kung magkasakit ang anak niya dahil pinilit niya ko. Sa saya sa kanila, nanatili pa ko hanggang sa sumapit ang gabi. Habang naglalakad pauwi'y pinaghahandaan ko na ang sermong maaring ibato sa akin ni ina subalit pagdating ay di naman nangyari ang pinapangamba ko. Diretso lantak ng hapunan pagdating sa bahay sabay nuod ng television. Dakong Alas-onse na ng mapagpasyahan kong matulog.


September 16, 2015
Wednesday

Year III-259

6z-x. Matagal-tagal na rin pala magmula ng ako'y lumiban sa klase't nagkataong nagkaroon pa ng Theater play kahapon at wala naman pasok ngayon kung kaya tila ang aga ng bakasyong grande ko't ang haba. May pasok na bukas at di na maaari pang lumiban kaya ito na ang huling araw ng aking bakasyon. Sa mahigit sa isang linggong di nakakapasok ay gumaling naman ako dahil sa awa ng panginoon. Sadyang kay buti at mahabagin ng Diyos natin. Sumiklab na ang liwanag sa kalawakan ng ako'y bumangon. Kay sigla muli ng araw ko't pakiwaring di dumaan sa pagkakasakit, bukod pa roon ay magaan din ang kalooban sapagkat sa kabila ng kung ano-anong pangyayaring aming napagdaanan, lahat ng iyon ay nalampasan. Sana'y kayanin pa ang mga darating pang pagsubok na hahamon sa aming katatagan. Kay lamig rin ng panahon kaya masarap humigop ng mainit na kape.

6z-y. Pagkatapos, sinimulan ko na ang gawaing bahay. Tamang walis at hugas lang habang walang pinagkakaabalahan. Maya-maya'y pagtitinda naman ang inatupag ko. Ang tumal pa rin ng mga bumibili. May bibili nga, mga bata naman na puro tigpipiso ang binibili, kawalang gana tuloy pagbentahan. Pagsapit ng tanghali'y anong alinsangan ng panahon kaya ng dumako sa hapon, iyan muli ang malakas na ulan. Kahit may kalakasan ay daglian lamang. Batong-batong manatili sa bahay kaya ng tumila ang ulan, binalak kong magtungo sa Computer shop. Habang naglalakad, biglang nagdilim ang kalangitan at mukhang bubuhos nanaman ang ulan. Ano ba ito, akala ko, tapos na? Sinabayan pa ng pagkulog kaya di maiwasang matakot.

6z-z. Sa takot na abutan, nagmamadali na ako sa pagkilos. Saka pa lamang bumuhos ang ulan kung kailan nasa loob na ng shop. Laking pagsisisi ko sa Computer shop na pinasukan ko, bukod sa amoy baktol ay ang iingay pa ng mga gumagamit at panay pa ang palitan ng malulutong na mura, kairita sa pandinig. Maya-maya pa'y nagalit na ang nagbabantay at pinagsisigawan ang lahat ng maiingay maging ang ilan na di naman umuupa't pampasikip lang. Pagkatapos, tumungo pa sa bahay nina Ate Let upang magbayad ng inorder na pabango subalit nadatnang sarado ang bahay nila. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya nasipan kong magtungo kina Cathy. Sina Kuya Wilson lamang ang nadatnan ko at wala si Cathy.

7a-A. Nang malamang may pinuntahan si Cathy, di na nanatili pa't kaagad ng umalis. Pagsapit naman ng gabi at habang sarap ang mata sa panonood ng telebisyon ay muntikan ng mairita sa alagang pusa sapagkat napakakulit at kung ano-ano ang kinakalikot. Ganyan talaga kapag maliit pa at wala pang isip, sakit sa ulo ang kakulitan pero titino rin habang tumatagal. Batid ang pag-uugali ng hayop kaya nilawakan na lamang ang pag-unawa. Sa inis ay darating na sa puntong ibig ko ng ihagis subalit di ko ginawa't nagtimpi na lamang. Maya-maya pa'y nagpasya matulog.


100 Simula na ng Countdown, Isang daang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


September 17, 2015
Thursday
Year III-260

7a-b. Matapos ang higit sa isang linggong pagliban sa klase dahil sa sakit ay ngayon lamang makakapasok. Sa halip na sigla'y kabang umiiral sa dibdib at pakiwaring may di magandang bagay ang naghihintay sa akin. Hindi ko masabi kung ano basta kinukutuban ako. Pagkadako sa Unibersidad, mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang naroroon subalit namamayani na ang kaingayan. Ipinabatid sa akin ng kamag-aral na wala si Ma'am Ria hanggang Sabado. Gayunpaman kahit wala si Ma'am, tuloy pa rin ang pangkatang pag-uulat. Sa isang linggong pagkawala ko, panay ang tanong sa akin ng mga kamag-aral at ikinalugod iyon ng kalooban sapagkat ipinapakita nilang may halaga't pake sa akin. Maya-maya pa, Cognitive Psychology na. Sumiklab agad ang kaba sa dibdib ng isa-isa kaming tawagin ni Sir Gelo upang ipakita ang Grade. Ng ako na'y lalo pang sumidhi ang kaba.

7a-c. Sa tindi ng kaba, napa-sign of the cross na ko't parang natanggalan ng tinik sa lalamunan at nag-uumapaw ang kaligayan ng makitang pasado't mataas pa ang nakuha. Nang maipakita na ni Sir Gelo sa aming lahat, may inanunsyo ito at sinabing magkakaroon ng Activity at iyon ay research. Dahil hanggang ngayon lamang ang pasahan, may pagmadali kaming lumabas at kanya-kanyang diskarte sa pagre-research. Sa halip na magsulat dahil kakatamad, naisipang sa internet na lamang mag-research sabay Copy and Paste. Hindi naging madali sa amin ang pinapagawa ni Sir Gelo't abutin ng higit isang oras bago makagawa ng reasearch. Siksikan at mainit pa sa loob ng shop kaya dagdag Stress, mabuti't nakeri pa ng powers ko ang lahat.

7a-d. Eksakto Alas-dose na ng makapaglimbag ako't bago pumasok sa silid, biglang nilapitan ni Renchlyn. Laking gulat at pangamba agad ang umiral sa dibdib ng sabihin niyang sa Sabado na kami mag-uulat sa Education 6. Dahil mukhang kakapusin na sa panahon, dali-dali kaming nagpulong at nag-usap habang wala pa si Sir Esguerra. Hirap maging leader at pananagutan mo ang lahat kapag pumalpak. Tigil ang masinsinan at seryosong pagpupulong ng dumating si Sir Esguerra. Ilang saglit pa lamang sa amin si Sir Esguerra at sa di inaasaha'y biglang pumasok si Dean Salazar upang mag-observe. Sa halip na mag-ulat ang mga itinalaga, biglang nagpakitang gilas sa pagtuturo si Sir Esguerra.

7a-e. Sa dami ng satsat ni Sir, mukhang matatapos ang oras na di pa nakakapag-ulat ang ilang kamag-aral. Mabuti na rin iyon, nang sa gayo'y maurong ang araw ng aming pag-uulat subalit nang umalis si Dean Salazar ay saka pa lamang sila nakapag-ulat at hindi inakalang matatapos pa. Sa kasamaang palad, tuloy ang pag-uulat namin sa Sabado. Mayroon palang Pratical test sa PE para sa Badminton at batid kong di bihasa sa larong iyon kaya di nagsuot ng PE uniform sa una pero sayang din grade. Nakakabilib, karamihan sa mga kamag-aral ko, magaling  maglaro ng Badminton kaya lalo pang pinanghinaan ng loob. Nang ako na ang nakasalang, buong tapang na nilabanan ang hiyang nanalaytay sa kalooban. Kakaduling at kainis dahil parating sablay sa paghampas, di tuloy katayugan ang nairekord ni Ma'am. Matapos ay uwian na subalit di pa umuwi't hinintay pa sina Joan. Alas-kwatro na subalit di pa sila pinapauwi ni Sir Anton dahil di pa tapos ang kanilang practical.

7a-f. Dahil may gagawin pa't sa inip na rin, umalis na ko. Pagdating sa bahay at pagkabihis ay agad ng tumungo sa Computer shop upang gumawa ng Report presentation. Hindi naging biro sa akin ang gumawa ng presentation at nakakabigay ng stress. Sa dami ng kailangang i-type, inabot na ng tatlong oras na babad ang mata. Kung kailan patapos na't isi-save, bigla na lamang nagloko ang internet. Naisipan ng nagbabantay na i-restart ang Computer upang bumalik sa dati ang internet, kaso pagbukas ay kusang nabura ang Files ko. Labis labis ang yamot ko sa pangyayari't lumong-lumo. Ano ba ito, back to zero tuloy ako't napunta lamang sa wala ang pinaghirapan. Sa tindi ng namamayaning galit, muntikan ng ipakita ang natatagong angas at nagawang ibagsak ang barya pagkabayad. Umuwing mahirap ipinta ang mukha't lugmok na lugmok ako sa labis na panghihinayang. Sa Sabado na ang pag-uulat namin, kaya patuloy akong napi-pressure at bahala na. Pagdating sa bahay, tamang nuod lang ng telebisyon ng maibsan ang init ng ulo.


99 Siyam na pu't siyam na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


September 18, 2015
Friday
Year III-261

7a-g. Labis-labis pa rin ang nararanasang pagkadismaya sa aking pagkigising at tila di na ibig pang pumasok subalit walang mangyayari kung patuloy ko iyon iindahin kaya kahit tinatamad, bumangon pa rin ng napakaaga. Sa muling pagkakataon ay bitbit muli ang napakabigat na Cat bag para sa Dissection subalit di naman natuloy dahil nasa Athletic Center daw si Sir Patrick. Habang walang guro at sa halip na makipagpalitan ng kuro-kuro, sinamantala ang oras sa paggawa ng Takdang-aralin sa Statistical Science. Ilang saglit ang nakakaraan, biglang umakyat si Sir Patrick at pinapunta kaming lahat doon sa Athletic Center pagkat may Volleyball tournament. Sa halip na manuod ng tournament, nagtungo na lamang sa Computer shop upang gumawa muli ng Power Point Presentation. Sa ingay ng mga umuupa maging ang tugtug na ang gulo't di maintindihan ang tinuturan, halos mawala ako sa pokus.

7a-h. Tuwa ang umiral sa dibdib sapagkat matagumpay kong natapos at nai-saveang ginawang Report presentation at wala pa sa dalawang oras ang pagrenta. Ngayong tapos na ko, pwede ng magbuhay hayahay. Pagkabalik sa silid, tanging sina Anne Rose lamang ang nadatnan ko. Sinabi nilang wala raw lecture sa Zoology 2 dahil na-excuse na para manuod ng tournament. Gayunpaman ay nanatili pa rin ako sa silid at ipinagpatuloy gawin ang assignment sa Statistical Science. Mas mahirap pa sa napagdaanan namin nung Midterm ang assignment at halos lumuwa ang mata sa kakakompyut ng pagkarami-rami't haba. Habang di na magkandaugaga sa pagkompyut ang siyang dating naman nila Eric at Kalvin na taga ibang Dash. Sa daldal at sarap na rin kakwentuhan ni Kalvin ay na-distract na ko't di na maipagpatuloy pa ang ginagawa.

7a-i. Ang ingay tuloy naming tatlo at ang sigla't saya ng araw ko dahil sa kanya. Kahit di kamag-aral at dahil masayang kausap, balak ko sanang mag-sit-insubalit mayroon pala silang pagsusulit, lumabas na lamang ako. Tumungo pa ko sa Dean's office para humingi ng request slip for reservation the Projector kaso wala na raw available na Slots, mukhang mauuwi sa mano-mano ang aming pag-uulat. Gayunpaman, di pa rin ako nawawalan ng pag-asa't tiwala lang. Kaagad akong bumalik at nanatili sa labas ng silid. Habang mag-isang tumatambay ay biglang nagsitakbuhan ang taga-Dash 3 at nagkakagulo na, nakiusyoso ako. Pagkatingin ay laking gulat ng makitang nakabulagta na si Kalvin. Ipinabatid sa akin na inatake raw ito ng Epilepsy at kawawa naman siya. Sayang at masiyahin pa naman itong tao, dahil sa kanya, naging masaya ang araw ko. Ikinalungkot ko ang nangyari sa kanya.

7a-j. Habang tumatagal ang unti-unting pagdating ng aking kamag-aral. Sa oras ng English, may inanunsyo lamang si Sir Jenor tungkol sa magiging Project namin this Final period at iyon ay Declamation. Ang mahirap pa, impromptu ang pagsasalita sa halip na paghandaan ang sasabihin. Maya-maya'y nagkaroon ng pa-sample at isa ako sa natawag. Habang nakasalang, pakiramdam ko'y parang bibitayin ako't nakakakaba. Halos duguin ako ng bonggang-bongga habang nagsasalita. Ilang sandali pa, Statistical Science na subalit inanunsyo ni Bonna na wala raw klase dahil manunuod muli ng Tournament. Gustuhin ko man umuwi subalit di maaari sapagkat magsisilbing Attendance ang mga dumalo, sumama pa rin sa mga kamag-aral. Saktong nagsisimula na ang laro pagkaalpas sa Athletic Center.

7a-k. Matapos ang Basketball tournament, mga Professor naman ang sumabak sa laro at di akalaing isa si Sir Jigo at Sir Gelo sa mga manlalaro. Hindi ko akalaing baskebolista sila. Bilang pagsuporta sa Professor namin, di muna ako umalis at pinanood sila Sir Jigo. Di hamak na mas Gwapo si Sir Gelo subalit ang lakas naman ng alindog ni Sir Jigo lalo na nung hinahataw niya ang bola, nakakabaliw! Dahil dun ay di magawang ialis ang pagkakatitig sa kanya't halos himatayin na sa tindi ng kilig. Marindi-rindi na sa ingay ng kasamahan pagkat panay ang sigawan. Ako naman, wala ring ginawa kundi isigaw ang pangalan ni Sir na kulang na lang ay may I love you, sumakit tuloy lalamunan ko pero okey lang iyan kung masisilayan ng lubus-lubusan. Kaso pumalit ang pagkadismaya ng ma-Foul ito at di muna pinaglaro, umalis na ko. Patuloy pa rin siyang nakatatak sa isipan kahit di ko na ito nakikita. Bukas na kami mag-uulat sa Education 6 kaya todo paghahanda na ang ginawa pagdating sa bahay upang di kakaba-kaba. Diyos na ang bahala sa akin at bigyan niya ko ng katalinuhan ng makapag-ulat ng mahusay sa harapan.


98 Siyam na pu't walong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.

September 19, 2015
Saturday
Year III-262

7a-l. Pagkamulat ng mga mata'y patuloy pa rin akong dinadaga ng kaba sa kabila na pinaghandaan na ang sasabihin at ito'y di mawala-wala. Sa tindi ng nararanasang kaba, tila ibig ko ng umayaw subalit sayang ang opurtunidad na magkaroon ng magandang marka kaya di ako nagpadala sa takot. Dahil wala kaming guro sa oras ng Theories of Personality, dakong ikapito na ng lisanin ang tahanan. Di pa nakakapagsimulang mag-ulat ang mga nakatalaga ngayong araw kaya kinausap muna ang kagrupo. Mukhang di magiging maayos ang presentasyon namin sapagkat wala na nga ang iilan, di pa nakikipagkooperasyon at ang hirap i-please. Tigil ang pagpupulong ng magsimula na silang mag-ulat. Di ko pa rin maiwasang kabahan at sa sidhi nito, parang magpa-palpitate na ko. Matapos ay breaktime na. Maaga pa at di pa naman kumakalam ang sikmura kaya sa halip na tsumibog, naisipan kong maki-sit-in sa room ng Dash 1.

7a-m. Mainit na pagbati ang sinalubong nila sa akin sa pagpasok at pakiwaring nami-miss na nila ako ng husto. Maging ako'y nami-miss din sila't ibig ko ng magtapos ang semester na ito ng sa gayo'y maging kaklase ko silang muli. Si Sir Esguerra pala ang guro nila ng ganoong oras at kahit saan ito magturo, nakakaaliw at para siyang pastor. Dahil naaaliw kay Sir maging sa dating kamag-aral, parang bulang naparam ang kaba. Maya-maya'y nagsialisan na ang mga taga-Dash 1 at pumasok naman ang mga kamag-aral ko. Malas nga lang, katabi pala ang walang hiyang Clark Haven at wala itong ginawa sa akin kundi buwisitin, di na lamang pinapansin para tumigil ito. Ayaw pa rin niya kong tantanan kaya napagpasyahang lumipat ng upuan. Ano ba itong mga kamag-aral ko, ang iingay.

7a-n. Puro tungkol lang naman kina Aldub ang laman ng usapan. Di ko iyon sinubaybayan kaya out of place tuloy. Patok man ang Aldub sa manonood pero lilipas din iyan. Ilang sandali pa'y pumasok na ang heartthrob na Professor ng OLFU na si Sir Gelo at nagturo. Ilang sandali pa, lumipat na kami ng ibang silid. Panay pagrerepaso ang ginawa ko habang wala pa si Sir Esguerra. Hirap mag-aral kung ang kapaligiran mo'y napakaingay, napagpasyahan kong lumabas. Saka pa lamang nagsimula ang aming pag-uulat sa pagpasok ni Sir Esguerra. Kinakabahan pa din subalit lakas loob na kinaharap ang mga kamag-aral at nag-ulat. Sa bawat salitang binibitawan ko'y may pangamba sa dibdib na baka di nila naunawaan maging si Sir Esguerra.

7a-o. Sumidhi pa lalo ang kaba ng magtanong sina Bonna at parang ginigisa ako sa kawali kung makatanong ito. May mga oras na naantala ang pag-uulat ko sa tuwing nagpapaliwanag si Sir. Sa dami ng naikwento sa amin ni Sir Esguerra, natapos ang oras na di pa nakapag-ulat ang mga kagrupo ko. Aalis na sana ako ng biglang tawagin ni Sir at ipakita ang ibinigay na grado. Abot langit ang tuwa sa dibdib pagkat binigyan niya ko ng mataas na marka. Labis-labis ang pasasalamat ko sa kanya lalo na sa Panginoon. Kundi dahil sa kanya, nakapag-ulat pa rin ako ng maayos. Sadyang kay buti ng ating Panginoon at sinasamba ko siya.

7a-p. Pagdating sa bahay, nandoon na pala ang balikbayan kong ate na kagaling lang ng Malaysia at Singapore at may dala itong mga pasalubong. Sa kasabikan ng dilang matikman ang produktong galing ibang bansa, di pa man nakakabihis ay nilantakan ko na agad ang mga iyon at sarap. Mabuti pa ang ate, nakapag-abroad na. Kinagabihan, daming kwento ng Ate tungkol sa mga naging karanasan niya nung nasa ibang bansa ito. Sa kanyang ikwinento, nakaranas ng kaunting inggit. Hindi bale at balang araw ay makakapunta rin ako sa ibang bansa't lalasapin ang bawat pagkakataon na dati lang ay pinapangarap, kaunting tiis lang ang kailangan.


97 Siyam na pu't pitong araw na lamang bago sumapit ang Pasko. Wish ko sa darating na Pasko, dumating ang pagkakataong makapunta sa iba't ibang bansa.

September 20, 2015
Sunday
Year III-263

7a-q. Boses ni Mama agad ang narinig ko sa aking paggising na ngitngit na ngitngit sa galit at halos magpasiklab na ito ng nagbabagang bangis. Iyon pala'y iniputan ng walang hiyang pusa ang kanilang higaan. Di pa man ako bumabangon, may naamoy na ring kakaiba't tila mapanghi. Bastos na pusang iyan at maging higaan ko'y di pinalagpas sa kasutilan. Maging ako'y nabuwisit ng labis ng umagang iyon at ibig ko itong ibalibag pero awa ang pumigil sa naisin. Matapos mag-almusal, kaagad kong pinagtatanggal ang sapin ng higaan maging mga punda at nilabhan. Sa dami at tagal kong maglaba, tila tinakasan ako ng lakas at nagutom. Kaarawan din ngayon ng Ate kaya nagluto ng kahit paano ang Mama ng handa. Iyon agad ang kinain ko pagkaluto.

7a-r. Pagsapit ng tanghali at sa tindi ng nararanasang init, nakaramdam ng kaunting hilo, itinulog ko na lamang. Kaso di naman makatulog pagkat maalinsangan talaga ang panahon. Walang magawa at ako'y bagot na bagot kaya naisipang makinig ng radyo. Napukaw ang natutulog kong damdamin ng mapakinggan ang kwento ng sender at kakaiyak. Tungkol ito sa isang babae na halos buong buhay niya ay kinamuhian ang ina dahil sa pagtataksil nito at ang masaklap pa, iniwan pa sila at nalaman pa niyang di ito tunay na anak ng kinikilalang ama. Dumating ang panahon, nagbago ang kanyang ina at pinagsisihan ang lahat ng nagawa pero huli na't di siya magawang patawarin. Nagawa lamang niyang patawarin ang ina kung kailan malapit ng bawian ng buhay. 

7a-s. Bukod sa nakakaiyak, nakakabigay din ng inspirasyon sapagkat sa kabila ng mga napagdaanan niya, di ito sumuko't piniling magpakatatag at nilabanan ang lahat ng pagsubok. Patunay ngang kahit gaano man kasama ang ina sa paningin ng anak, may natatago pa rin itong pagmamahal at baligtarin man ang mundo, nanay pa rin natin siya. Grabe ang naging buhay niya't pwede ng idulog kay Charo Santos at ipalabas sa MMK. Wala akong ginawa sa maghapon kundi kumain ng mga handa at magkulwit ng Android phone. Dakong gabi na ng umalis ang Ate kasama ang Papa't tila naging payapa ang tahanan. Matapos manuod ng telebisyon at gawa na di pa dinadalaw ng antok, nilibang muna ang sarili sa paglalaro ng Cellphone. Dakong Alas-onse na ng mapagpasyahang matulog.


96 Siyam na pu't anim araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


September 21, 2015
Monday
Year III-264

7a-t. Sumapit muli ang araw ng Lunes at katapos lamang ng Weekend subalit heto pa rin ako, nakahila't nagpapakasarap sa malambot na kama. Gawa na wala kaming pasok ng ganitong araw, di gasinong maaga ang gising ko. Wala naman akong ginawang kasalanan at masama pero bakit namamayani muli ang kaba sa dibdib at di ito mapigilan. Pakiramdam ko, may di magandang mangyayari mamaya na huwag naman sana maganap o baka dala lamang ng aking iniisip. Dahil sa umiiral na kaba, di naging maganda ang umaga ko. Ibig sanang lumabas at maglakwatsa matapos humigop ng kape subalit baka mangyari ang pinangangambahan ko't ikapahamak pa, mas pinili na lamang manatili sa bahay. Kapag sa bahay ka lang, kahit paano'y malalayo ka sa panganib na posibleng mangyari. Walang magawa't batong-bato kaya naisipang maghugas ng mga plato at magwalis-walis.

7a-u. Nang masiguradong wala ng kalat sa sahig na makakapa, saka lamang tumigil. Sumunod ay pamamalantsa naman ang inatupag ko. Kahit tutok na ng husto ang bentilador kung mas matindi pa sa nagbabagang uling ang nararanasang init, balewala rin. Sa dami ng aking ginawa't idagdag na rin ang init ng panahon, parang nasaid na ang lakas ko, nagpahinga muna pansamantala. Maya-maya pa, oras na ng tanghalian at dala na namimilipit na ang sikmura sa sobrang gutom, daglian ng kumain at halabira sa pagsubo na tila takot maubusan at wala ng bukas. Gaano man ako kalakas kumain ay malating-ting pa rin ang pangangatawan. Maigi na ring payatot, atlis sexy kaysa naman lumba-lumba, lapitin naman ng mga sakit. Hindi masamang maging matakaw subalit hinay-hinay lamang at baka bawian ng buhay.

7a-v. Dahil tutungo muli sila Mama sa City Hall upang paturukan ang kuya ng Anti-Rabies, naiwan akong mag-isa sa bahay. Habang mag-isa sa bahay ay pagbabantay sa tindahan ang inatupag ko. Kawalang gana ang magtinda kung halos wala namang bumibili't kakabagot umupo, minabuti ko ng magsara. Gawa na namumugto na ang mata sa tindi ng antok, naidlip muna pansamantala. Hindi namang magawang matulog ng maayos pagkat pakiwaring may darating na panganib subalit di ako panaig sa takot. Pagkadilat ng mata, saktong nakabalik na sila Papa. Inakalang gabi na subalit nagkakamali't madilim lamang ang kalangitan. Ilang sandali pa, bumuhos na ang malakas na ulan. Sinabayan muli ng pagkatalim-talim na kidlat at malabombang dagundong ng kulog kaya labis ang pagkasindak ko't muntikan ng mangisay. Hindi naman nagtagal ang Thunderstorms. Kinagabihan, panonood muli ng paboritong programa ang inatupag ko. Habang tutok ang mata'y halos mapaluha ako ng mapanood sa eksena ang pagkikita ni Nathaniel at ang kanyang ina't nakilala na rin ni Rachel na si Nathaniel ang nawawala nitong anak. Makabagbag damdamin talaga ang bawat kaganapan at hirap iwaglit sa isipan. Matapos ay kaagad na kong natulog.


95 Siyam na pu't limang araw na lamang, bago sumapit ang Pasko.

September 22, 2015
Tuesday

Year III-265

7a-w. Sa katakawan at sarap matulog ng hitad, malapit ng mag-ikalima nagising. Katamad ang bumangon at naghahari ang antok sa mata kaya napagpasyahang Alas-sais na bumangon. Kahit dakong ikapito na nakaalis ng bahay, hindi naman nahuli sa pagpasok at mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadatnan. Mayroon palang takdang-aralin sa Zoology 2 kaya habang wala pa si Sir Patrick, may pagkukumahog ko iyong tinapos. Kumabog ang kaba't gulat sa dibdib ng pumasok na si Sir Patrick subalit pwede pa raw magpasa hanggang mamaya. Matapos ang mahahalagang anunsyo ni Sir, nagsimula na ang Cat Dissection. Pumatak na ang Ikawalo subalit di pa dumarating ang katuwang ko, di muna binuksan ang Cat bag at gumawa nglabel para sa Pin. Malapit ng sumapit ang Alas-nuebe subalit wala pa si Sarah. Dahil mag-isa lamang ako, gulong-gulo na't di na alam ang gagawin.

7a-x. Lahat sa kamag-aral ko nakapagsimula na ng Dissection subalit di pa ko nakagsisimula. Halos mabaliw na pagkat di na magkandaugaga sa ginagawa. Darating na sa puntong ibig ng umayaw pero nagpatuloy pa rin ako alang-alang sa matatamong marka. Mukhang di ko ito kakayanin ng mag-isa lang pero pinipilit pa rin. Labis-labis ang pagkabuwisit sa kanya at mukhang pinabayaan na ko. Sa inis, ibig ko ng ibalibag ang bangkay ng pusa't ihagis paibaba. Wala siyang kwentang katuwang at kung may dahilan siya kaya di makakapunta, di sana naisipan niyang ipabatid sa akin, ng sa gayo'y makapaghanda ako, di iyong masyadong naghahabol. Sintindi ng nagbabagang uling ang nararanasang poot sa dibdib at ibig ng ipamalas sa kanya kapag nagkita kami. Kung alam ko lang na mangyayari ito, di na dapat nagdala ng Cat bag, pampabigat lamang sa dalahin! 

7a-y. Nailagay ko naman ang Pin na may label sa katawan ng pusa't nakapagpa-check kay Sir bago ang aming dismissal time. Kahit di katayugan ang ibinigay na marka, ayos na rin kaysa naman itlog. Nanatili pa rin ang yamot sa dibdib at ibig ko itong ilabas subalit di magawa pagkat walang ni isang teynga ang handang pakinggan ako, sinarili ko na lamang. Sa tindi ng galit, muntikan na kong sumabog. Nawalan tuloy ako ng ganang makinig sa itinuturo ni Ma'am Eloisa dahil sa namamayaning galit na di mailabas-labas. Matapos mag-ulat ng aking kamag-aral at magturo ni Ma'am Eloisa, nagkaroon ng maikling pagsusulit. Walang pumasok sa utak sa itinuro nila kaya nganga't ang linis ng papel ko. Maya-maya'y lumabas na kami. Pagkalabas ay saktong nilapitan ako niJohn Ray, may hihiramin pala ito sa amin. Habang seryoso kami sa pag-uusap ang biglang paglapit ni Sir Jigo at naupo pa mismo malapit sa amin.

7a-z. Tumindig ang kilig sa dibdib kaya labis ang aking pagkailang, kung ano-ano na tuloy ang nasasambit ko kay John Ray, mapansin lamang ni Sir. Nag-iisip ako ng sasabihin pero tila nabablangko ako, di ko tuloy siya makausap at nahihiya. Titig kilig ako kay Sir habang katabi ito ng di niya namamalayan at ilang saglit pa, umalis na kami. Gawa na manonood lamang ng Film sa English at tinatamad na ring pumasok, napagpasyahan ko ng umuwi. Dala ng nararanasang pagod ay diretso ako sa pagtulog matapos lumamon ng pananghalian. Hanggang ngayon, naiisip ko pa rin siya't mistulan itong krayola na nagbibigay kulay sa araw ko. Pagsapit ng gabi, anong alinsangan muli ng panahon at di mapigilang magsilang ng pawis. Sa tindi ng init, tila ibig ko ng ipasok ang sarili sa pridyider at doon na matulog. Sa pagpunta ko sa Dreamland, nawa'y makita siya at malasap kahit paano ang yakap nito at kung sakaling magkatuluyan kami, hiling na mangyari sa totoong buhay.


94 Siyam na pu't apat na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.

September 23, 2015
Wednesday

Year III-266

7b-A. Wala muli kaming pasok sa eskwela't sa sarap matulog, pumutok na ang liwanag sa kalawakan ng dumilat ang dalawang mata't bumangon. Sa aking pagbangon, kakaibang sigla muli ang siyang nadarama. Lalo pang umiigting ang nararanasang saya sa dibdib sa tuwing naalala siya't walang ibang laman ng utak kundi mukha lamang niya. Hindi ko talaga maipaliwanag kung bakit ganito kasidhi ang pagnanasa sa kanya. Dahil di ko mapigilang kiligin, kung ano-ano ng imahinasyon ang nabubuo patungkol sa kanya't kay sarap damhin sa dibdib kung ang lahat ng iyon ay magkakatotoo. Hindi ko alam kung tama ba itong nararamdaman sa kanya o mali, basta ang alam ko lamang, tinamaan ako ng lintik sa kanya.

7b-b. Matapos malamnan ang sikmurang buong magdamag na walang laman, sinimulan ko na ang gawaing bahay. Kahit singbigat ng Construction worker ang mga ginawa ko, kaya pa naman basta't naiisip siya't ina-assume na naririyan ang presensiya niya. Assuming na kung assuming ako basta't walang damdaming sinasaktan. Matapos ang gawaing bahay at gawa na batong-batong pagkukulwit ng Android phone ang naging pampalipas oras ko't pagpapatugtog. Sa labis na pagkahumaling sa saliw ng musika, di namalayang tanghaling tapat na't kailangan ng lagyan ang sikmura ng masusustansyang pagkain.

7b-c. Pagsapit ng hapon, balak ko sanang magtungo sa bahay ng kaibigan, kaso matinding init ng panahon ang pumigil sa naisin, nanatili na lamang sa bahay at nagbantay sa tindahan. Tila nangyayari na ang sinabi ng PAGASA na magkakaroon ng malakas na El Niño pagkat maging sa gabi'y dama ang maalinsangang panahon. Habang di maawat ang mata sa panonood ng telebisyon ang siya namang pagbuhos ng ulan. Ayos lang sa akin ang umulan subalit ang samahan ng pagkulog at kidlat ay iyon ang di ko matatanggap, sindak tuloy ang umiiral sa dibdib at parang ulagang patakip-takip ng teynga. Dahil sa ulan, kahit paano'y parang bulang naparam ang alinsangang nadarama't nagbigay lamig sa aming pagtulog.


100 | 93 Siyam na pu't tatlong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


September 24, 2015
Thursday

Year III-267

7b-d. Hindi ko pa ibig idilat ang mga nata dala na namamayani pa ang antok subalit kailangan na't di nagpanaig sa katamaran. Malapit na palang mag-ikanim ng ako'y bumangon at sa takot na mahuli'y may pagmamadali sa pagkilos subalit di naman nahuli pagdating ng eskwela. Ang inakalang walang guro, nagkakamali pagkat nagbalik na si Ma'am Ria at nagsimula na ang pag-uulat. Medyo nakaka-relate sa topic na kanilang inuulat at napagdaraanan ko kung anuman ang nakasad sa Theory kaya di maiwasang magtanong. Nakaramdam lamang ng kaunting inis kay Czarina at Clark Haven, paano sa tuwing may itatanong ay pinipigilan nila ako. Ito namang si Clark Haven, masyadong paepal at di na lang ako hayaan. Nasagot naman ni Ma'am Ria ang mga katanungan ko, kaso di niya gaanong klinaro ang paliwanag at sa Abnormal Psychology ko pa raw malalaman ang kasagutan ng buong-buo.

7b-e. Tama nga lang na pinili ko ang ganitong kurso sapagkat simula't sapul pa lamang, marami ng nangyayari sa buhay na di ko lubos maunawaan at maging sa aking pag-uugali. Habang tumatagal ay unti-unti ko ng nakikilala ang sarili at may natutuklasan. Bukod pa roon ay unti-unti na ring lumalawak ang pag-unawa ko sa mga taong nakapaligid sa akin. Matapos ay breaktime. Hindi ko na ibig pa ang mapag-isa kaya hindi ko man sila gaanong ka-close, kina Rodrigo ako sumabay. Inggit ang umiiral sa dibdib pagkat habang kapiling sila, ang saya-saya nila't parang tanggap ang isa't isa kahit anuman ang ipakita. Bukod pa roon ay nailalabas nila kung anuman ang nilalaman ng isipan at may teyngang handang makinig. Sa kanilang magkakaibigan, si Joy at Abby lamang ang bukod tanging tahimik, sila lamang ang kahuntahan ko. Maya-maya'y bumalik na kami ng silid.

7b-f. Sa oras ng Cognitive Psychology, nagturo lamang si Sir Gelo subalit saglit lamang at kaagad niya kaming pinalabas. Sa oras naman ng Education 6 at gawa na di pa tapos mag-ulat ang mga kapangkat maging ako, mag-uulat pa kami kaso di kaagad nakapagsimula dahil di pa naaabutan ng Projector. Malapit ng sumapit ang Ala-una subalit wala pang projector at gawa na nasasayang na ang oras sa kakahintay, napagpasyahan ng simulan ang pag-uulat kahit walang projector. Sa bilis ng pag-uulat na tila nagmamadali, kaagad kaming natapos. Pagkalabas ay tiyempong nakita si Kuya Bernard at tinanong kung bakit di nakarating ang Projector.

7b-g. Nagpaliwanag ito at ng mabatid ang tunay na dahilan, nag-umapaw bigla sa galit ang dibdib sa mga kagrupo lalong-lalo na kay Buniel. Kahit suplada siya't tinataray-tarayan ako sa tuwing kakausapin ito, natatanggap ko pero ang lokohin ako ay iyon ang di matatanggap at pinakaaayawan ko. Hindi ko malaman kung bakit ganoon ang pakikitungo nila sa akin. Muntikan ko ng ibunton ang galit kay Kuya Bernard na di naman dapat sa kanya. Kakausapin ko sana sina Buniel, kaso di na sila nagpakita pa maging sa oras ng PE. Sa oras na ito, tinuruan lamang kami ni Ma'am Darvy kung paano ang tamang paghawak ng Shuttle Cock. Nang una'y di ko makuha pero sa tulong ni Bonna na tila nakayang pagtiyagaan ako habang tinuturuan, nakuha ko naman.

7b-h. Matapos ay nagkaroon ng practical kaso di na kami natawag pa pagkat kinapos sa oras. Diretso online sa Facebook at Chat kay Buniel pagdating sa bahay. Sa halip na magpaliwanag, puro maanghang na salita ang itinugon niya't nagawa pa niya kong i-block, ang kapal ng mukha't bastos siya! Kahit tatahitahimik siya, di ko akalain na ganon pala ang pag-uugali nito. Humupa naman ang yamot sa dibdib ng si Shobe na ang nagpaliwanag. Kung ganyan at ganyan ang mga kagrupo, maigi ng magtalaga sila ng bagong pinuno. Masakit sa dibdib kapag ang tiwala ay ibinigay mo sa tao ng buong-buo, pero sa huli ay lolokohin ka lamang niya. Pinakaaayawan ko talaga sa lahat, ang niloloko ako at sinisiraan!


99 | 92 Siyam na pu't dalawang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


September 25, 2015
Friday
Year III-268

7b-i. Nakalibre muli sa bakasyon at sarap buhay muli bilang buhay estudyante dahil ngayong araw ipinagdiriwang ng mga Muslim ang Edil Adha. Sayang lamang ang pagkakataong masilayan siya pero ayos lang at masaya na ko kapag naalala siya. Dakong ikapito na ako bumangon at nag-almusal. Habang tutok ang mata sa pagte-text ang biglaang pagpapamalas ni Mama ng kulo sa di malamang kadahilanan at ako'y kanyang binuntunan. Itinigil ko muna ang pagte-text at inasikaso muna ang gawaing bahay. Patuloy pa rin siya sa pagdada kahit di na ko magkandaugaga sa ginagawa. Sumunod ay paglalaba ang inatupag ko. Habang abala sa paglalaba'y tamang kinig lang ng drama sa radyo't makapukaw damdamin ang bawat eksena, bukod pa roon ay nakakikilig, kaso sawian naman sa pag-ibig pagdating sa huli. Sa sobrang tutok ng teynga sa pakikinig ng drama, nawala na ang konsentrasyon ko sa paglalaba. Tanghaling tapat na subalit wala pang nalulutong ulam.

7b-j. Masyadong abala sila Mama't Papa sa ginagawa, hindi ko naman sila maasahan na makakapagluto pa, kahit di bihasa'y kusang loob na akong nagluto. Tortang talong ang naisipang ulamin at unang beses ko pa lamang lutuin iyon kaya medyo nangangapa pa sa mga paraan. Kahit di sigurado sa gagawin ay nailuto ko naman ito ng walang mintis o kulang at naihain na sa Mesa. Pagkatikim, di na magawang awatin ang bibig sa pagpapak at natutuwa ako kahit di nila sabihin sapagkat naramdaman kong nasarapan sila sa luto ko. Ni wala ngang natira sa luto ko't di akalaing mangyayari iyon. Sa dami ng kinain, magmistulang may bata sa sikmura sa kaumbukan.

7b-k. Pagsapit ng hapon at gawa na ako'y batong-bato, naisipang magtungo sa labas at nagkumpyuter. Nahumaling nanaman ako kung kaya inabot muli ng dilim sa daan, bago umuwi ay tumungo pa ko sa bahay nila Ate Let subalit wala ito ng datnan ko. Pinalipas ko ang ilang oras bago bumalik subalit Kuya Rey lamang ang naroroon at di pa ito dumarating. Kung kailan kailangan ko siya, saka naman ito wala't naisipang ipagpabukas na lamang. Matapos maghapunan, panonood ng telebisyon ang inatupag ko at labis na sinubaybayan ang pagtatapos ng Nathaniel. Naging makabuluhan ang ending nito na sa kabila na laganap na ang kasamaan sa Mundo na pakana ni Satanas, sa huli ay kabutihan pa rin ang mananaig at lalo pa tayong iminumulat upang manalig sa maykapal.

7b-l. Sa napapansin ko ngayon, dumarami na ang mga taong gumagawa ng masama't kakaunti na lang ang may pananalig sa Diyos, hangga't di pa huli ang lahat ay matutong magbago at magsisi. Huwag sanang dumating ang araw ng paghuhukom na maraming kaluluwa ang mapunta sa impyerno. Napakaraming aral talaga akong napulot sa palabas na iyon, bukod pa roon ay nakakaiyak na nakakatuwa. Sana maraming mga bata't kabataan ang gaya ni Nathaniel dito sa Mundo, mapagmahal at malinis ang kalooban. Matapos ay kaagad na akong nahimlay sa kama. Paano naman makakatulog nito kung nuknukan sa alinsangan ang gabi't naaalala pa siya?


98 | 91 Siyam na pu't isang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


September 26, 2015
Saturday

Year III-269

7b-m. Sa kasibaan kong matulog na halatang sarap na sarap, malapit ng mag-ikaanim ng ako'y magising. Mayroon pala kaming seminar ngayong araw at walang klase kaya ayos lamang kung mahuli subalit pagdating sa unibersidad ay tuloy ang klase't saktong naroroon na si Ma'am Ria pagkapasok ko, takot agad ang umiral sa dibdib sa kung anong maari niyang gawin subalit di naman natuloy ang pinapangamba ko. Kaya pala di natuloy ang aming Seminar pagkat lahat sa amin, di nakakuha ng ticket, tuloy na tuloy talaga ang klase. Dahil nahuli ako, humingi ako ng tawad kay Ma'am kahit inaasahan kong mag-uumapaw ito sa galit subalit tinanggap naman niya ang apologize ko. Di ko mawari kung bakit ang bait-bait sa akin ni Ma'am Ria. Sa oras naman ng Cognitive Psychology, nagturo lamang si Sir Gelo tungkol sa Memory. Hindi basta-basta ang lesson niya't hindi gaanong nakukuha. Ramdam naman niya iyon at sa bait nito, mistulan na itong sirang plaka sa pagtuturo, makasunod lamang kami.

7b-n. Gaya ng mga nakaraang araw, maaga niya kaming pinalabas. Sa oras naman ng Education 6, pangkat nina Mylene ang mag-uulat. Nakakainis lang sa mga kamag-aral ko sapagkat kahit may nagsasalita sa harapan at naroroon ang presensiya ni Sir Esguerra, panay ang kanilang daldalan. Ilang beses ng sinaway pero maingay pa rin at parang di College kung umasal. Sumidhi pa lalo ang kaingayan ng umalis si Sir, puro Aldub lang naman ang laman ng usapan at hala sa tiliang tila tinutuhog ang kipay habang sinusubaybayan ang Aldub love team gamit ang Cellphone, di na sila nahiya. Di pa nakuntento't tila tinakasan ng bait kung maglulundag padyak habang kilig na kilig. Hindi ko alam sa kanila kung bakit hibang na hibang kina Yaya Dub at Alden. Maya-maya pa'y uwian na subalit di muna kaagad umuwi at hinintay pa sina Angel.

7b-o. Grabe talaga ang epekto sa kanila ng Aldub at tutok na tutok ang mata sa cellphone kahit nakaalis na ang karamihan sa kamag-aral at nakapasok na ang susunod na gagamit. Upang di mabato, naki-Aldub na rin ako kaso kawalang ganang manuod pagkat malabo pero sila, tiyagang-tiyaga't kahit pagsabihan, di man lang umiinli't nagtatanim pa ng sama ng loob. Sa tagal nila at gawa na naiinip na, umalis na ko. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya naisipan pang magtungo sa bahay nina Ate Anne. Pagdating ng Muzon, patay nga lang sapagkat di ko na kabisado patungo sa kanila, nagtanong-tanong pa't libot-libot. Halos isang oras din ako naglibot-libot, subalit bigo kong matunton ang bahay nila Ate Anne, napagpasyahan ng umuwi.

7b-p. Habang naglalakad at sa bawat madaanan ko'y tutok na tutok ang mga Bulakenyo sa panonood ng Aldub at panay ang tilian at sigawan. Na-Aldub fever na nga ang masang Pilipino at di na maawat ng matang subaybayan ang bawat kaganapan, wala ng ibang bukambibig kundi iyon. Papasaan pa't lilipas din iyan. Dakong ikaapat na ng makarating sa bahay, sa layo ng biniyahe ay nakaramdam ako ng gutom at pagod. Pagsapit naman ng gabi, tamang nuod lang ng Your Face sounds familiar. Dami ko talagang halakhak habang ginagaya nila ang mga singers maging ang kilos at galaw nila. Di pa ko madaling dalawin ng antok kaya malapit ng sumapit ang hating-gabi ng mapagpasyahang matulog.


97 | 90 Siyam na pung araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


September 27, 2015
Sunday

Year III-270

7b-q. Tirik na ang haring araw sa labas ng ako'y magising subalit di muna agad bumangon pagkat katamad at nag-isip-isip ng bagay patungkol sa kanya. Kailan kaya darating ang araw na magagawa ng aminin sa kanya kung ano ang nilalaman ng puso, matuwa kaya ito o baka ma-turn-off. Sa pangambang di matanggap ang kalooban ang kanyang magiging reaksyon, mukhang di pa handang ilabas. Hindi ko mawari sa sarili't siya parati ang tumatakbo sa isipan. Sa lalim ng iniisip, di namalayang isang oras na ang nakakalipas at bumangon na. Sa aking pagbangon, di na pinalagpas pa ang oras upang isagawa ang gawaing bahay at muntikan ng malagasan ng lakas. Ng malinis ang buong bahay, pagbabantay sa tindahan ang sunod na inatupag hanggang sa sumapit ang tanghali. Namamayani na ang gutom sa tiyan at pansamantalang itinigil ang pagtitinda upang kumain. Nang malamnan ang kumakalam na sikmura at bilang pampalipas oras, naisipang maglaro ng Android phone.

7b-r. Kahit di ko kinahuhumalingang subaybayan, panonood ng dalawang programang kinaadikan ng karamihan sa mga Pilipino at iyon ay Aldub at Pastillas girl. Tungkol sa pakikipagrelasyon at ibigan ang takbo ng magkatunggaling palabas kaya di maiwasang kiligin at tumili. Kaya pala kinababaliwang panoorin sapagkat binubuhay nito ang natutulog mong puso at maraming bagay na makakamtan na siyang magbibigay insipirasyon habang ikaw ay umiibig. Sa labis na humaling ng mata, namugto na ito sa antok. Pagsapit ng hapon at gawa na batong-batong manatili sa bahay, naisipang magtungo kina Angelica. Nasa ibang bahay ito ng datnan ko't pinuntuhan. Pagkarating ay kita kong tutok na tutok ang mata nila sa panonood ng Video at halos mawarak ang ngala-ngala sa kakalakhak.

7b-s. Nang makinuod ay hirap kontrolin ang bibig sa pagtawa't nakakatawa kasi. Bukod sa nakakatawa, nakakatakot din ang palabas kaya di maiwasang tumili na parang nakakain ng sili. Muntikan ng sumakit ang tiyan sa kakatawa't ang ingay tuloy ng bahay nina Aling Mila dahil sa amin. Tinapos muna namin panoorin nina Angelica bago umalis. Saktong naroroon si Rachid pagkatungo sa kanilang bahay na barong-baro't tamang huntahan lamang at tawanan. Di napapanis ang laway kapag sila ang kasama't nakakalibang pa. Ang pag-uusap na may kasamang tawanan, napadako tungkol sa kung ano ang napag-arala't di akalaing maraming alam si Rachid. Nung una, akala ko'y batikanong tambay si Rachid at sabog-sabog minsan magsalita, pero tila dinaig pa niya ako pagkat pambihira ang katalinuhan nito, nganga na lamang ako at di magawang makipagdebate.

7b-t. Di nagkamali si Angelica sa pagpili kay Rachid pagkat malayo ang mararating nito kung nag-aaral lamang at mahahatak pa ito paangat. Sa dinamirami ng aming napag-usapan ay di namalayang sumapit na ang gabi. Umuulan pala't nagpatila muna, ng ambon na lamang ay saka lamang kumilos pauwi. Pagdating ng yapak sa bahay, mapupusok na sermon mula kila ina ang inabot ko't sadyang kay tatalim ng sinasambit na tipong kayang hiwain ang dibdib, di na lamang pinapansin. Tumigil naman sila sa panenermon kinalaunan. Dahil naging maulan ang gabi, kay sarap pakinggan ang kapayapaang namamayani sa kapaligiran at kay sarap ding matulog pagkat malamig. Sana parating ganito ang aming nararanasan at sarap mabuhay.


96 | 89 Walong pu't siyam na araw na lamang bago sumapit ang pinakahihintay ng lahat, ang Pasko.


September 28, 2015
Monday

Year III-271

7b-u. Sumapit nanaman ang araw ng Lunes subalit patuloy pa rin ang paghilata sa kama't kay tamis ng buhay. Uma-umaga na lamang siya naiisip at lalo pang sumisidhi ang pintig ng puso, tila marahil ikababaliw na ang kakaiisip sa kanya. Napaka-eksaherada ng nararamdaman sa kanya't di magawang pigilan. Naghari na ang liwanag sa labas ng magising at bumangon. Tila may kulang sa araw ko't walang kakulay-kulay at buhay kaya naisipang magpatugtog. Habang pinapatugtog ko ang mga kantang sumikat dati tulad ng SpaghettiOtso-otso,Pamela oneBulaklak at marami pang iba, tila bumabalik ako sa pagkabata't naaalala kung anuman ang naging karanasan. Sarap pakinggan at sayawin ang mga awiting pangdati't nakakawala ng pagkabagot. Bukod sa naalala ang naging nakaraan ay sumagi rin sa isipan ang dating mga kalaro't kamusta na kaya sila?

7b-v. Habang nakikinig ng musika ay tamang pagsasagawa lamang ng gawaing bahay at di mapigilang iyugyog ang katawan. Sarap din pakinggan ang mga kantang ginaya ni Bitoy at nilagyan ng katatawanan ang bawat liriko, habang dinidinggin sa pandinig ay sasakit ng husto ang tiyan sa kakahalakhak at kailangang ihanda ang inhaler at baka kapusin sa paghinga. Nangingibabaw ang ligaya sa araw dahil sa mga tugtog at maayos na nagampanan ang gawaing bahay. Pagsapit ng hapon at batid mang mahihilo dahil sa amoy ngFormalin, lakas loob pa ring inimbalsamo ang Pusa ng sa gayo'y maiwasang mabulok o maagnas. Sa kabutihang palad, di naman nakaramdam ng hilo't nanatili pa rin ang kasiglahan.

7b-w. Maya-maya'y pagbabantay sa tindahan ang inatupag ko. Kawalang gana talagang magbantay kung wala namang bumibili, natulog na lamang ako. Madilim-dilim na sa labas ng ako'y magising at sa tindi ng nararanasang alinsangan, sumakit bigla ang ulo ko. Bukod pa roon ay mukhang sisipunin kaya buong gabing nakahilata. Habang nagpapakasasa sa paghilata, tamang nuod rin ng paboritong drama't di mapigilang manaig ang gigil sa dibdib ng magsalpukan ang dalawang tauhan. Di ko kinakayang panoorin kapag nagharap si Amor at Claudia at tila may namumuong apoy sa pagitan nila, best enemy na ang turingan sa isa't isa. May pasok muli kinabukasan at gawa na maaga pa magigising, daglian ng natulog.


95 | 88 Walong pu't walong araw na lamang at Pasko na.


September 29, 2015
Tuesday

Year III-272

7b-x. Pumatak na ang ikalima ng umaga ng magkamalay at bumangon. Mukhang mahuhuli na sa pagpasok kaya may pagmamadali na sa pagkilos. Mabuti na lamang, di matutuloy ang Cat Dissection at Lecture lamang kaya di mapapagod sa pagpasok sa pagdadala ng Cat bag. Pagkatungo sa eskwelahan at habang tinutumbok ng yapak ang laboratoryo ay saktong nakasalubong si Ma'am Ria. Tuwa naman kami sa sinabi niya pagkat walang klase mamaya't manunuod lamang ng Pageant. Wala si Ma'am Eloisa pagkadako sa Laboratoryo't mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang naroroon. Ilang sandali pa, pumasok na si Ma'am Eloisa at nagsimula na ang group report. Tungkol pa rin sa Muscle ang kanilang tinalakay subalit sa ingay, nahihirapang itatak sa isipan. Katamad ring makinig kung di naman gumagana ang utak, pinili na lamang makipagdaldalan. Makalipas ang dalawang oras ay lumipat na kami ng silid at doon ipinagpatuloy ang pag-uulat. Matapos nilang mag-ulat, namayani muli ang kaba sa dibdib ng isa-isang banggitin ni Ma'am Eloisa ang mga bagsak.

7b-y. Sa kasamaang palad, isa ako sa natawag. Kay bait ni Ma'am at binigyan kami ng pagkakataong makapasa, iyon nga lang ay mag-uulat muli. Akala ko, tapos na ang pag-uulat, di pa pala't may kasunod pa. Nagpulong muna kami't matapos ang pulong ay lumabas na't kumain. Ibig ko sanang manuod ng Pageant at suportahan ang aming pambato, kaso di sapat ang pera upang bumili ng ticket. Inaya ko sina Rodrigo na bumili ng ticket upang makatipid sa bayarin, kaso di ko maudyok. Swerteng may dalawang babae ang naglalakad at walang hiyang kinausap patungkol sa pageant. May hawak ang mga ito na Ticket kaso di raw sila manunod. Ibibigay na sana nila ang Ticket sa akin subalit sa hiya, di ko tinanggap at binayaran. Pumayag naman sila kahit kalahati't laking tuwa ko pagkat makakanood na at labis ang pasasalamat sa kanila.

7b-z. Hindi pa nagsisimula ang Pageant pagkadako namin sa Auditorium at gawa na naiinip, napagpasyahan munang bumaba at naisipang manatili sa silid. Pagkadako sa silid, saktong naroroon ang mga kamag-aral subalit iilan lamang sila maging si Sir Jenor. Tuloy pala ang klase sa English, kaso sa unti ng dumalo'y nag-Form a Circle na lamang. Ngayong araw pala ang Impromptu speaking at patay, di ko naihanda ang sarili. Maya-maya pa'y nagsimula na ang Impromptu speaking at isa-isa kaming tinawag. Sa tuwing may nagsasalita ng English sa harapan, di mapigilang tumawa at karamihan sa amin, halatang hirap mag-ingles. Nang ako na ang tinawag at tanungin, halos mapawiwi na sa tindi ng kaba. Di biro ang magsalita ng English kaya magkanda-utal-utal habang sumasagot. Pambihira't tila dinaig pa ang Q and A portion sa hirap ng mga katanungan.

7c-A. Matapos tawagin ay bumalik na ko sa Auditorium. Pagkadako roon, saktong nagsisimula na angPageant at di na magkandamayaw ang mga kamag-aral. Kahit kakaunti lamang ang tumungo upang suportahan sina Jed at Shaira na aming pambato para sa MR. and MS. Psychology 2015, sa laki ng bibig at lakas ng sigaw ay naging maingay ang pangalan nila, kanya-kanya ring tanghal ng Banner. Kay gaganda't gugwapo ng mga kalahok sa patimpalak at piling-pili ang kasuotan.

7c-b. Sa oras na rumarampa ang kanya-kanyang pambato patungong Stage ay sige ang hiyawan at sigawan. Halos mapunitan na ng lalamunan sa kakasigaw. Pansamantalang natigil ang Pageant Competition upang magbigay sa daan sa ipapakitang talento ng mga Psychology Professor. Nang si Sir Jigo na ang magpakita ng talento, laking kilig ng dibdib ng umawit ito, sarap pakinggan at ang lamig pa ng boses. Sa kilig, walang kasawa-sawang isinisigaw ang pangalan niya kahit sumasakit na ang lalamunan. Tila hinahagod ng boses nito ang dibdib ko ng dahan-dahan at ganon na ganon ang pakiramdam. Bukod sa nag-uumapaw sa kakisigan ay kumikinam din ang tinig nito.

7c-c. Sayang nga lang at dapat ay sumali ako sa Psychology Pageant, may pagkakataon sanang makuhaan ng litrato kasama si Sir Jigo. Tinamaan na nga ako pagkat ang lakas ng tama sa kanya. Matapos ay Special Awards na. Kahit paano'y may nasungkit naman si Jed na Award at panay ang aming pagbubunyi lalo na nang ito'y makapasok sa Top 5. Sa labis na humaling sa panonood ng pageant, Alas-Singko na pala't di na nagawa pang tapusin ang Pageant. Sa kakasigaw ng walang humpay, pagod at gutom ang natamo kaya diretso lantak ng ulam pagdating ng bahay. Kahit medyo nakakaramdam ng matinding Stress ay parang bulang naparam iyon ng ipamalita ni Bonna na si Jed ang itinanghal na MR. Psychology 2015 sa Facebook. Masaya ako para sa kanya't parang nanalo na rin. Laking pasalamat talaga sa Maykapal.


94 | 87 Walong pu't pitong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


September 30, 2015
Wednesday
Year III-273

7c-d. Huling araw na ng September at di pa rin naiibsan ang pananakit ng lalamunan at tila namamaga pa nga na dulot ng walang humpay na pagtili kahapon. Masakit man ang lalamunan ay ayos lamang kung nanalo naman ang aming pambato at bukod pa roon, nasulit ng husto ang araw ng makita siya ng matagalan at nadinig pa ang ginintuan nitong tinig. Hindi ko akalain na may ibubuga siya pagdating sa pag-awit at kahit di bumirit, para sa akin ay mahusay na siya't pwede ng mag-singer at recording artist. Tila umiigting pa ang pagtatangi sa kanya't anumang bagay ay wala ng makakapigil. Sumisigla at nagkakakulay ang araw ko sa tuwing sumasagi siya sa isipan at palong-palo ang tibok ng puso.

7c-e. Matapos mag-almusal ay balak ko sanang maghugas subalit pinigilan ni Mama at siya na raw. Batong-bato ako nun at walang magawa kaya pag-aasikaso sa tindahan ang siyang inatupag. Tamang kulwit lang ng Cellphone at online sa Social Media habang nag-aabang ng mamimili. Nang bahagyang tumingkad ang sinag ng araw ay naisipan kong maglaba. Kanina pa tinitiis ang gutom kaya di na mapigilan pa ang sariling lumantak ng maluto ang ulam. Pamamalantsa naman ang sunod kong inatupag matapos mananghalian. Sa dami ng aking pinalantsa, bahagyang nakaranas ng pagod. Diretso ako sa pag-siyesta matapos mamalantsa.

7c-f. Medyo nasarapan muli sa pagtulog kung kaya dakong hapon na namulat ang mga mata. Balak ko sanang lumabas at gumawi sa bahay ng kaibigan, kaso pinangunahan ng katamaran, magdidilim na rin kung kaya hindi na itinuloy ang balak at nanatili sa loob ng bahay. Kakabagot nga lang kapag nasa bahay ka lang, naisipan muling magbantay sa tindahan at libangin ang sarili sa paglalaro ng Cellphone. Sa labis na humaling ko, di namalayang kumagat na ang dilim at kailangan ng maghapunan. Diretso panood agad ng paboritong drama matapos lamnan ang sikmurang piping-pipi. Maya-maya pa, natulog na ko. Sa pagpunta ko sa Dreamland, nawa'y mapaginipan ko siya.


93 | 86 Walong pu't anim na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.