Lunes, Agosto 31, 2015

32. August 2015 Journal (Day 943-973)

August 01, 2015
Saturday

Year III-213

6t-u. Iba talaga ang mararamdaman mo sa bagay kapag napaghahandaan kahit gaano pa ito kaseryoso para sayo. Kahit ngayong araw na ang aming pag-uulat ay di na muli pang namayani ang kaba sa dibdib at sabik na sabik pa nga ako. Sa labis na sabik, napaaga ang aking pagpasok. Nagpatuloy akong pag-aralan at unawain ang pag-uulat habang may nalalabi pang panahon at di pa pumapasok si Ma'am Ria. Nagsimula na ang pag-uulat nang pumasok si Ma'am Ria at si Jed muna ang nag-ulat. Walang ginawa kundi maghanda ng sasabihin habang siya ay nag-uulat at sa pagsalang ko sa harapan ay tila nanumbalik ang kaba, dahilan kung bakit di makapagsalita ng maigi at nawawala na sa sasabihin. Sumidhi pa lalo ang aking kaba sapagkat ang aking sinasabi'y di tugma sa paliwanag ni Ma'am Ria at nangangamba na sa maaring gawin ni Ma'am. Hindi naman naganap ang aking pangamba't sa katunayan ay nagpasalamat pa nga siya sa akin. Pakiramdam ko, ang bait-bait sa akin ni Ma'am Ria at di ko inasahan iyon. Gayunpaman ay hindi ako nakuntento sa naging pag-uulat ko at nakakadismaya talaga.

6t-v. Sa oras naman ng aming Cognitive Psychology, naging kapana-panabik ang asignaturang ito sapagkat nagkaroon kami ng palaro at iyon ay huhulaan ang Diagram na ilalabas na Sir Gelo sa Screen projector kung anong ibig sabihin nito. Madali sa una ang hulaan pero pagdating sa huli ay doon na medyo nangangamote't nahihirapan ng paganahin ang utak. Nag-uumapaw ang kaligayahan namin sapagkat sa huli, pangkat namin ang hinirang na panalo. Matapos ay lumipat na kami sa ibang silid. Sa oras ng Education 6, nagturo lamang si Sir Esguerra. May naikwento lamang ito na labis na ikinahabag ng puso ko't mabuti na lang, di ako nabuhay sa panahon ng Kastila dahil grabe ang hirap na iyong mararanasan at kawawa noon ang bansang Pilipinas. Sa halip na umuwi ay tumungo pa kami sa Covered Court sapagkat mayroong pagsusulit sa PE. Nabigla ako sa aking nabatid at patay, di pa nakakapagrepaso. Kahit di nakapagrepaso'y naging madali naman ang pagsusulit kaya kaagad ko itong natapos.

6t-w. Matapos kumuha ng pagsusulit ay nagpulong-pulong muna kaming magkakagrupo upang pag-usapan muli ang tungkol sa report sa Zoology 2. Mukhang di biro ang napuntang topic sa akin at kailangan ng ibayong paghahanda. Matapos ang napagpulungan, nagkanya-kanya na kami sa pag-uwi. Pagsakay sa Jeep ay saktong nakasabay ko sina Angel at Aupril at laugh trip kaming tatlo habang nagkukwentuhan. Diretso ako sa pagpapahinga pagdating ng bahay. Pagsapit ng gabi, naghari muli ang kaingayan dahil sa mga nagsusugal at tila walang kasawa-sawa talaga sa kakahagis ng barya. Hindi muli tuloy makatulog dahil sa kanila't ibig ko ng matapos ang lamay kung parating ganoon ang gabi namin. Wala muling ibang ginawa kundi ang magtiyaga, pasasaan pa't lilipas din iyan.


August 02, 2015
Sunday

Year III-214

6t-x. Lumaganap na ang liwanag sa labas ng ako'y magising at bumangon. Kahit mababaw at simple lamang ay natutuwa pa rin ako sapagkat napasakamay muli ang panibagong araw ng may bagong pag-asa't pagkakataong makapagsimula muli ng maayos at maganda. Sadyang kay dakila't buti ng Panginoon at sa kabila na di na marahil mabilang ang kasalanan ko, patuloy pa ring binabantayan at di pinababayaan, laking pasalamat ko talaga sa kanya. Pagkabangon at dahil wala namang ibang aatupagin ay gawaing bahay muli ang pinagkaabalahan ko. Kawawa naman ang mga kabataang walang ibang inatupag sa buhay kundi tumambay at maghintay ng malalaglag na bunga sapagkat wala silang mararating at di na aasenso pa.

6t-y. Kahit minsan napapagod na dahil sa bigat ng gawain ay ayos lang, basta naipapakita ang silbi ko at mas sumasarap ang pakiramdam ko kapag may bagay na nagawa at natapos. Matapos ay pagbabantay muli sa tindahan ang sunod na inatupag. Kainis nga lamang sapagkat kahit anong ingat at sinop ko sa pagtitinda'y may tao pa ring nakagoyo sa akin. Sa muling pagkakataon ay napaulanan ako ng maanghang na sermon nila ina. Lokong lalaking iyon at sa tindahan pa namin napiling manlamang, sabi nitong magbabayad mamaya pero di na bumalik. Bakit pa ibinigay ang tiwala sa kanya't di akalaing ganoon pala ang ugali niya, ang laki kong inutil.

6t-z. Aminado namang nagkamali kaya todo ako sa paghingi ng tawad kila ina. Sa sobrang yamot sa kanya, darating na sa puntong ibig ng sugurin sa kanilang pamamahay pero hiya ang pumigil sa balakin, isa pa ay ayaw kong masasangkot sa away. Pasalamat na lamang siya't pinaglagpas ko ang kanyang kahudasan, di na ko papayag pa na makapangloko siyang muli. Kinahapunan, pagpipinta ng buto ng Turtle at Pating ang inatupag ko. Hilig ko rin ang magkulay-kulay pero sa liit at kailangan magkakaiba ang kulay base sa parte, di naging biro sa akin ang pagpipinta. Sa sobrang hirap, tinamad na kong magpinta't napag-isipang ituloy na lang bukas. Pagkagat ng gabi, ano pa nga bang bago sa sitwasyon at ingay muli ang kinakaharap namin ngayong gabi.


August 03, 2015
Monday
Year III-215

6u-a. Ang Lunes ay parang Yoyo na pabalik-balik at maya't maya ang dating nito, kasabay ng pagsapit ng araw na ito ang pagsisimula ng pagpasok sa eskwelahan at opisina para sa Linggong ito. Kahit natapos na ang  pag-uulat ko sa Theories of Personality ay di pa natatapos ang lahat at di pa pwedeng magbuhay alamang sapagkat may kasunod pang pag-uulat na kailangan muling paghandaan. Pansinin nga naman ang pagkakataon at nagkasunod-sunod pa ang araw ng aking pag-uulat. Ayos lang basta't ang mahalaga'y makakaraos din at wala ng alalahanin pa sa susunod. Marahil sa buong linggong ito'y wala akong ibang pagkakaabalahan kundi magbasa at mistulan muling buwang sa kakasalita habang ina-analyze ang talata. Diretso kaagad ako sa pagbabasa matapos mag-almusal. Sumakit-sakit ang ulo ko sa kakaunawa kung ano ang binabasa't marahil ay mauulit kung ano ang nangyari nung Sabado.

6u-b. Hindi naman ako makakapayag kaya kahit hirap na hirap na'y naging puspusan pa rin sa pag-aaral. Tanging pagbabasa't pag-unawa sa talata lamang ang inatupag hanggang sa sumapit ang tanghali't nawa'y may masabi bukas. Kasalanan namin ito kung bakit pinag-uulat at kung may nagtaas lang sana ng kamay at nagbasa, di sana mangyayari ito. Nananghalian muna ako at matapos ay ipinagpatuloy ang pagbabasa. Kahit ilang ulit basahin ang talata, hindi naman tumatatak sa isipan at nahihirapang ipaliwanag kung anong ibig sabihin. Gawa na mukhang sasabog na ang utak sa dami ng impormasyong ipinapasak, itinigil muna at ako'y namalantsa. Sana gaya ng pamamalantsa ang ginagawa ko ngayon na madaling matutuhan at maunawaan. 

6u-c. Matapos mamalantsa, pagpipinta muli ng buto ang sunod na inatupag. Mabuti pa ang pagpipinta na kahit nakakaduling ay nagagawa at nakakaaliw pa rin at nakakawili pa. Sana ganon ang pakiramdam sa pag-aaral, nakakaaliw. Sa sobrang dami ng buto na dapat kulayan, di namalayang sumapit na ang gabi't bigo ko itong matapos. Pansamantala munang itinigil ang pagpipinta at ipinagpatuloy ang pagbabasa. Kahit paano'y nagkabunga rin ang ilang ulit na pagbabasa at nauunawaan na, sana'y maging tama ang pag-intindi ko ng di na mapahiya sa pag-uulat. Goodluck muli sa aming lahat bukas at nawa'y maging maganda at maayos ang pag-uulat.


August 04, 2015
Tuesday

Year III-216

6u-d. Dakong ikalima na nagising at bumangon. Habang napipinto na ang aming pag-uulat ay wala ng humpay ang pagguhit ng kaba sa dibdib. Walang mangyayari kung puro kaba ang pinapairal kaya nagpakatatag ako't lakas loob na nilabanan iyon. Pagdating sa Eskwela, nadatnan kong abala sa pagpipinta ng buto ang mga kamag-aral. Biglang sumagi sa isipan ko na nakaligtaang dalhin ang water color, di tuloy makapagpinta. Sa halip na magpinta, tanging pagrerepaso ng iuulat ang muli kong inatupag. Lumapat agad ang tuwa sa mga dibdib ng ianunsyo ni Sir Patrick na sa susunod na pagkikita pa ipapasa ang kinulayang buto. Sa oras na iyon ay itinuro sa amin ni Sir ang tungkol sa parte ng mga buto't pinagpirapiraso base sa katawan nito. Matapos ay binigyan kami ng panahon ni Sir Patrick upang makapagkulay ng buto. Abalang-abala sa pagkukulay ang mga kamag-aral samantalang nakatulala lamang ako't nakatingin sa kawalan. Wala pa kaming buto para sa Pusa kaya naisipan ng ka-partner na si Sarah na bumaba.

6u-e. Pagdating ay pagkadismaya lang ang natamo namin sapagkat di paavailable ang buto para sa pusa, nagsayang lamang ng lakas. Maya-maya'y tumungo na kami ng silid. Habang di pa pumapasok si Ma'am Eloisa ay wala na kong ginawa kundi mag-aral at kung kinakailangan ay nagkabisado na rin ng sasabihin. Sa totoo lang ay patindi na ng patindi ang nararanasang kaba at todo-todo na ang aking paghahanda. Lumipas pa ang ilang minuto ng ganap ng pumasok si Ma'am Eloisa at nagsimula na ang pag-uulat. Lalo pa kong kinabahan at kinilabutan sapagkat di ako nakapag-pasa ng Power Point presentation, wala tuloy maipi-present sa harapan at bahala na, sana maunawaan nila ang pag-uulat ko. Huwag sana mag-init ang ulo ni Ma'am kapag ako na ang mag-uulat. Laking pasalamat ko sapagkat kinapos sa oras at di pa ko nakapag-ulat. Tila nabunutan ako ng tinik sa lalamunan at nakapagpahinga ng maluwag. Kasama ang bagong kaibigan ay tumungo kami sa Canteen at kumain.

6u-f. Lumipas ang halos dalawang oras, tumungo na kami sa silid. Pagkaalpas sa silid ay laking gulat ko na lamang ng biglang lapitan nina Anne Rose at harapang kinompronta. Sinabi nila na ikinakalat ko raw na kaya lumalayo sa kanila sa dahilang binu-bully raw ako, bagay na labis kong ipinagtaka't di malaman kung sino ang nagsabi nun. Dahil sa maling tsismis na mukhang ibig akong siraan, nagkaroon tuloy ng hidwaan sa pagitan namin. Imbyernang imbyerna ako ng panahong iyon at ibig kong magwala. Kung sinuman ang nagsabi sa kanila niyon, napakasinungaling niya't dapat sa dila'y nilalagare. Ang masakit pa'y mas pinaniniwalaan pa nila ang tsismis niya kaysa sa paliwanag ko. Dahil sa lintik na tsismis na iyan, mukhang malabo ng bumalik sa dating ayos ang aming samahan. Kaagad naman humupa ang alitan namin pagkapasok ni Sir Jenor.

6u-g. Sa oras ng English, pinanood namin ang ginawang Video Shoot. Kahit maganda at nakakaaliw ang takbo ng scenario ay di magawang ilabas ang tuwa dahil nakabaon pa rin sa dibdib ang sakit at inis. Sa sobrang haba't humaling sa panonood ng Video, di napansing lagpas na sa oras. Lundagan kami sa tuwa ng ipabatid ni Bonna na di makakadalo sa klase si Sir Jigo gawa na may karamdaman ito. Matapos magsulat sa attendance, kanya-kanya na kami sa paglabas. Sa halip na diretso uwi'y tumungo pa sa Ever Gotesco Mall upang bumili ng kakailanganing materials. Sa kagustuhang makatipid ay pahirapan sa akin ang makahanap ng mura pero mataas ang kalidad, natagalan tuloy ako. Naghihingalo na ang liwanag ng makarating sa bahay at diretso lantak ng hapunan. Biglang sumipa ang sakit ng ulo't nahihilo pa kaya kaagad akong natulog matapos manood ng telebisyon.


August 05, 2015
Wednesday

Year III-217

6u-h. Sa kabila na halos ikabaliw na ang pananakit ng ulo'y nanatiling maganda't maginhawa ang umaga sa aking paggising at tila bagang walang pinagdaanang hirap at sakit. Hindi pa rin mawaglit sa isipan ang tungkol sa nangyari kahapon at nanggigigil ako sa tuwing sumasagi iyon. Hindi ko sukat malaman kung bakit nila iyon ginagawa sa akin at ano kaya ang motibo kung bakit nagawa iyon. Kaya ko pang patawarin ang taong may atraso sa akin na umaamin at humihingi ng tawad pero yung taong bumubulong sa likuran ko't di magawang umamin ay mukhang mahihirapan ako. Kahit magwala ako't kimkimin ang galit ay wala naman mangyayari't di naman malalaman kung sino ang may pakana, hayaan na lamang iyan. Kung sinuman siya o sila'y huwag ng uulitin ang ginawa sa akin.

6u-i. Matapos magkape at dahil may pag-uulat kami bukas sa Cognitive Psychology, kahit di ako bihasa sa paggamit ng Power point ay sinubukan ko pa rin. Kahit walang nagtuturo'y natutuklasan ko ang ilang paraan ng paggamit niyon at madali naman siyang matutuhan. Kaso nga lang ay mahirap palang gumawa ng Power point presentation kapag sa mobile at magastos sa oras. Pansin ko lang na sa tuwing nagle-lecture ang mga Professor at nagre-reportang mga kamag-aral ko, madalas ay Power point na ang gamit bilang Visualaid sa halip na Manila paper o Cartolina. Uso na nga ang ganong paraan ng pag-uulat at hi-tech na. Magkandaduling-duling ako sa kaka-edit ng text at di siya tulad ng Office word na madaling i-copy-paste ang text. Sa sobrang dami ng dapat i-type at kailangan angkop at maayos ang Format, dakong hapon ko na natapos ang aking Power Point Presentation.

6u-j. Dugo't pawis na ang inalay ko, matapos lamang iyon. Gawa na mag-uulat din sa Comparative Vertebrate, maging iyon ay ginawan ko na ng Power Point Presentation. Wala na akong ibang inatupag sa maghapon kundi gumawa ng Power point presentation at mugtong-mugto na nga ang mata sa tagal nakatutok sa Cellphone. Nadadalian naman sa aking report kung kaya kaunting pag-aaral na lang ang dapat gugulin. Pagsapit naman ng gabi, kainis at di ko mapakinggan ang pinapanood sa ingay ng mga nagsusugal, hindi din tuloy ako makatulog. Maya-maya at mga dakong Alas-dyis ng dumating ang Papa at may dala itong Pizza. Nagsibangon kami at sama-samang pinagpiyestahan ang Pizza. Sa sarap at dami ng kinain, labis akong naumay at lalong di pa makatulog.


August 06, 2015
Thursday

Year III-218

6u-k. Sa sarap at takaw ng aking tulog, eksaktong ikalima na ng umaga ako nagising at bumangon. Tila kay sigla pa rin ng araw ko sa kabila na di kagandahan ang nangyari nitong huling araw at ganadong-ganado pa ring pumasok. Magkakaroon pala ng maikling pagsusulit sa Theories of Personality kaya pagdating sa eskwelaha'y daglian akong nagrepaso. Panay nga ang aking pag-aaral, di naman tumatatak sa isipan ang nirerepaso't idagdag pa ang samu't saring boses na mauulinig kaya lalo pang di makapag-concentrate. Maya-maya pa, pumasok na si Ma'am Ria, biglang sumidhi ang kaba't takot sa mga dibdib. Mabuti na lang at napunta ako sa Second batch, may panahon pa upang makapagrepaso. Pinalabas muna kaming lahat at doon nagrepaso. Ilang saglit pa, pinabalik na kami sa silid at lalo pang tumindi ang kabang nararanasan. Nakakainis at name-mental block ako, di tuloy makasagot at labis na ang  pangangamote. Bahala na sa magiging resulta ng pagsusulit at tanggap ko na kung anuman ang matatamo.

6u-l. Matapos ay lumabas na kami. Nagtungo kaming magkaka-grupo saCognitive Psychology sa Quadrangle upang mag-ensayo. Sa halip na mag-ensayo'y pakikipagdaldalan lang ang inatupag ng mga kagrupo ko't nasasayang lamang ang oras. Bahala na lang mamaya't matuwa sana si Sir Gelo sa ipapakitang presentasyon. Habang tumatambay sa Quadrangle ang biglang pagbubukas ng Ice cream shop at libre pa. Dahil libre at takam na takam makakain ng Sorbetes, marami ang pumila. Kahit kasing haba na ng buhok niRapunzel ang pila, di nq ako pumila at di trip kumain ngayon ng ice cream. Maya-maya pa, tumungo na kami sa silid. Dahil pick-up lines ang naisipang tema ng aming presentasyon, kanya-kanya kaming isip at gawa ng pick up lineshabang wala si Sir Gelo.

 6u-m. Sa pagpasok ni Sir Gelo ang pag-arangkada ng pick up lines battle at hugot na hugot ang bawat banat sa kalaban. Ng ako na ang bumanat, tila napipilitan lang silang ilabas ang pangil at walang kadating-dating. Ang seryosong pag-uulat, nauwi sa katuwaan dahil sa pick up lines battle at mamatay-matay halos sa kakatawa. Matapos ay nag-ulat na kami. Nang ako na ang nakatoka sa pag-uulat, laking bad vibes ko sapagkat di lumabas sa Screen projector ang ginawang Power Point presentation, di tuloy makapag-ulat ng maigi. Labis kong ikinahimutok ang pangyayari at matapos kong magpakahirap kahapon, magawa lamang iyon, tapos ay ibabasura lang. Sa totoo lang ay na-disappointako ng husto't ibig pagtaasan ng boses kung sinuman ang nag-edit ng Power point. Nagpaliwanag naman sa akin si Jonica. Mabait naman si Jonica at ang amo pa ng mukha habang nagpapaliwanag, iyon ang pumaram sa yamot ko't naliwanagan naman.

6u-n. Maya-maya'y lumipat na kami sa ibang silid. Sa oras ng Education 6, inanunsyo ni Sir Esguerra na magkakaroon ng pag-uulat sa susunod na linggo. Pagkatapos ang mahalagang anunsyo, nagkanya-kanya na kaming pangkat. Malas nga lamang at napunta ako sa mga medyo di nagseseryoso sa pag-aaral, ako tuloy ang ginawang leader. Mukhang puro kami report ngayong semesterna ito at dibdibang pagsusunog kilay at pagpapalawak ng pag-unawa muli ang dapat gawin. Maaga kaming pinalabas ni Sir Esguerra. Gawa na tinatamad na't masakit din ang ulo ko, di na dumalo pa sa aming PE Class. Kinagabihan at sa halip na manood ng telebisyon, pagpipinta muli ng buto ang pinag-ukulan ko ng panahon. Habang abala sa pagpipinta, nakakairita ang ingay ng mga kabataang tumatambay sa harapan at masyado pang nakakabulahaw, pinagsabihan ko nga. Mukhang di madaan sa masinsinang sabi't tila walang naririnig, nagawa ko ng sigawan. Sa sobrang abala ko sa pagpipinta, di namalayang sumapit na ang Alas-onse't kailangan ng matulog.


August 07, 2015
Friday
Year III-219

6u-o. Sa tindi ng namamayaning antok ay hirap idilat ng husto ang mga mata't ibig pang matulog ng matagal, muntikan na ngang sampalin ang mukha, maparam lamang ang antok. Pagdating sa Unibersidad, laking gulat ko ng ipabatid na magkakaroon pala ng Practical Test. Dibdiban kong kinabisado at pinag-aralan ang mga buto ng bawat hayop. Maya-maya pa, pinalabas na kami ni Sir Patrick. Nagpatuloy ako sa pagrerepaso habang di pa nagsisimula ang practical test. Paano naman ako makakapag-aral ng maayos kung maingay ang nakapaligid sa'yo. Sa hirap at gawa naman na di tumatatak sa isipan, tinamad ng mag-aral. Ilang sandali pa, pinapasok na kami ni Sir Patrick at nagsimula na ang Practical test. Kahit nag-aral ay naba-blangko pa rin ang utak, ang linis tuloy ng papel ko dahil wala halos kasagot-sagot. Idagdag pa ang ibinigay na oras na sadyang limitado kaya labis akong napi-pressure.

6u-p. Dakong Alas-dyis na ng matapos ang practical test. Maaga kaming pinalabas ni Sir Patrick at kaagad ng tumungo sa silid. Alas-onse na subalit di pa dumarating si Ma'am Eloisa at mukhang malabong matuloy ang aming pag-uulat. Darating na sa puntong ibig na namin lumabas pero napigilan ng biglang dumating si Ma'am Eloisa. Kahit ngayon araw na ako mag-uulat, di naman kinabahan at relax lang, handa na talaga ako. Sa pagpasok ni Ma'am Eloisa, sinimulan ko ng mag-ulat at ipinamalas kung ano ang natatagong galing. Tila gumaan ang pakiramdam ko matapos mag-ulat at di nakaramdam ng pagkadismaya. Maya-maya'y breaktime na't tumungo kami sa Canteen. Matapos kumain, tamang gawa at kopya lamang ng takdang-aralin sa Statistical Science.

6u-q. Hindi na ibig pang pahirapan ang sarili sa pagsusulat kaya nag-research na lamang ako. Isang oras makalipas, dumako na kami ng silid. Sa oras ng English, may mahalaga sa aming inanunsyo si Sir Jenor at matapos niyon ay umalis na ito. Sa pagkawala ni Sir Jenor ang pamamayani ng ingay sa silid at gawa na walang magawa, kahit nasa kolehiyo na ay naisipang maglaro ng Ketchup at Bato-batopik. Ang sayang kalaro't kahuntahan nila Rodrigo at nakakaaliw. Pakiramdam ko, sila na ang bago kong mga kaibigan. Natigil ang kanya-kanyang kasiyahan ng pumasok si Sir Jigo. Laki ng pinagbago ni Sir at halos liparin sa sobrang humaling at naninibago ako.

6u-r. Sa tagal na naging guro ito, ngayon lamang napagtanto na ganon pala siya kakisig at ang istilo ng pananamit, bagay na bagay sa kanya't ang fresh niya tingnan. Sa lakas ng dating ni Sir ay di na halos kumurap ang mata sa kakatitig. Hindi ko maipaliwanag kung bakit biglang naging ganito ang pakiramdam sa kanya na dati naman ay wala lang at tila may nagbabadyang isang bagay. Nagturo lamang ito at matapos ay nag-solve kami. Grabe at nakakadugo ng utak ang bagong lesson at di makuha-kuha. Kahit gaanoman kahirap ang isang subject, papangarapin mo pa rin pumasok at pagtiyagaan ito basta gaya ni Sir Jigo ang 'yong professor.

6u-s. Ang gwapo niya talaga't di mapigilang kiligin. Maya-maya'y uwian na. Hindi muna ako kaagad umuwi't habang hinihintay matapos ang pulong nila Aupril, tamang kwentuhan lang kay Angel. Sumapit na ang Alas-sais subalit di pa natatapos ang pulong nila at gawa na naiinip ng umuwi, nagpasya ng mauna sa kanila. Pagkasakay ko sa UV Express, tila pamilyar sa akin ang lalaking nakaupo sa harapan at malakas ang hinalang siSir Jigo iyon. Dahil nag-aalangan at sa takot na mamaling akala, di ko kaagad tinawag. Gumawa ako ng paraan para makumpirmang siya nga iyon. Kung kailan malapit na kong bumaba, saka lamang nalaman na si Sir Jigo nga ang kasabay ko. Nakakahiya sapagkat di ko man lang ito nabati pero masaya naman ang gabi ko lalo na nung nginitian ako ng lumingon ito. Sa uulitin muli at sana'y Tuesday na para magkita kaming muli. Mukhang siya na marahil ang inspirasyon ko para mag-aral ng mabuti.


August 08, 2015
Saturday

Year III-220

6u-t. Napasarap muli sa tulog kaya tinanghali na ng gising. Pagkatingin sa orasan, sumapit na pala ang Alas-sais ng umaga. Batid ng isip na kinamumuhian ni Ma'am Ria ang estudyanteng nahuhuli ng dating at sa takot na mapagalitan, napagpasyahang sa ikalawang asignatura na lamang dumalo. Hindi ko alam kung bakit tinanghali na ng gising samantalang maaga naman natulog. Dakong ikawalo na ng umalis ng bahay. Saktong nakitang kumakain na ang mga kamag-aral pagkatungo sa eskwela't nakisabay sa kanila. Hinintay ko pa silang matapos kumain at maya-maya, tumungo na kami sa Library at doon tumambay. Biglang nawalan ng kuryente habang naroroon, ang init tuloy at muntikan ng tumagaktak ang pawis. Nanumbalik naman ang kuryente kinalaunan at tumungo na kami sa silid.

6u-u. Sa oras ng Cognitive Psychology, nagkaroon muli ng Group presentation. Wala kaming ginawa kundi maghagikhikan habang nagpe-perform ang mga kasapi sa grupong iyon at dami nilang alam na pasabog. Sa sobrang husay, palakpakan kami at para sa akin, sila na marahil ang pinakamahusay at nakakabilib. Nakakainggit tuloy sa kanila dahil ang galing-galing at di maiwasang ikumpara sa gawa naming presentasyon. Maaga kaming pinalabas ni Sir Gelo at kaagad ng tumungo sa kabilang silid. Isang oras na ang lumilipas pero di pa dumarating si Sir Esguerra at mukhang malabo ng makadalo ito. Maya-maya'y sumulat at lumagda na kami sa attendance at kanya-kanya na sa paglabas. Namutawi muli ang tuwa sa dibdib dahil maaga ang uwian subalit tumungo muna ako sa Cashier upang magbayad  ng Preserve Cat.

6u-v. Nakakatamad ang pumila sapagkat ang haba, mabuti na lamang at naroroon ang dating mga kamag-aral at pinasingit ako. Sa tindi ng alinsangan ng panahon, biglang nakaranas ng pananakit ng ulo pagdating sa bahay ay kaagad akong nagpahinga. Sarap sana ng tulog ko ng biglang gisingin ni ina, iyon pala'y nagpa-deliver ng pagkain ang ate. Sa sarap at sa labis na kasabikan sa pagkain, kahit masakit ang ulo'y diretso bangon tuloy ako't sabay lantak sa pagkain. Sa katakawan at dami ng kinain, labis akong nabusog. Pagsapit ng gabi, namayani muli ang ingay sa kapaligiran at lalo pa itong lumubha. Sa muling pagkakataon ay pahirapan sa amin ang makatulog. Sa totoo lang, banas na banas na ko sa ingay at rinding-rindi na. Hindi ko ito ibig mangyari at isipin pero sana'y ilibing na ang namayapa kung di naman maganda ang dulot nito sa amin at nakakabulahaw pa.


August 09, 2015
Sunday

Year III-221

6u-w. Pagkakaroon muli ng matinding sipon ang sumira sa masarap kong tulog at halos di na makahinga dahil sa baradong ilong. Maaga na pala't di ko mabatid kung bakit bigla na lamang sumama ang pakiramdam. Kay sungit talaga ng timpla at tila magkakasakit marahil ako. Sa sama, tinatamad tuloy bumangon at ibig parating nakahiga. Sa pangambang lumubha pa lalo ang pakiramdam at mauwi sa malaking gastos, ibig man gamitin ang katawan sa pagwawalis at punas, di ko magawa. Pagbabantay na lamang sa tindahan ang siya kong inatupag. Patuloy ko pa rin nararanasan ang masungit na pakiramdam pero di naman hadlang upang ituloy ang naisin. Biglang buhos ng ulan habang nagbabantay. Madami-dami rin ang naligo sa ulan at meyo naiingit ako. Pinigilan na lamang ang inggit alang-alang sa ikabubuti ng kalusugan.

6u-x. Matapos ang mahigit sa dalawang linggong pagtitiis namin sa ingay, natutuwa ako sapagkat sa wakas, maililibing na ang patay at matatahimik na ang kululuwa, makakamit na namin ang katahimikan ng gabi. Pumalit ang kalungkutan ng maulinig ang kanta habang umuusad ang labi ng namayapa't muntikan na kong umiyak. Ganyan talaga ang bagay sa Mundo na parang buhay lang, lahat may hangganan at dapat tanggapin, masakit man o mahirap. Maging kalangitan ay tila sumasabay sa mga nagdadalamhati't naging maulan sa maghapon. Pagsapit ng gabi,  nakakapanibago lamang pagkat tahimik na ang kapaligiran. Sa paghahari ng katahimikan ay naririnig na namin ang isa't isa sa tuwing nag-uusap maging ang pinapanuod. Habang tutok ng husto ang mata sa telebisyon ay umiral ang galak sa dibdib ng mapanood ang tungkol sa mga beki't lesbiana.

6u-y. Pinapakita nito na kahit bakla o tomboy, kayang-kaya kung anuman ang nagagawa ng mga Straight at di dapat husgahan at ibahin ang pagtingin sa gaya namin dahil tao din kami na may damdamin at maaring masaktan. Sobrang hinahangaan ko talaga ang mga binabae o binalaki na malayo na ang narating sa buhay at nagtagumpay dahil pinatunayan nila na di basehan ang kasarian sa pagkamit ng tagumpay at marami ng baklang nakatamo nun. Kaya ako, pinagmamalaki na ganito ako at di ko iyon ikinahihiya. Di maglalaon, matatanggap din ng lubos ang mga bakla't tomboy sa lipunan at wala ng gaya namin ang makakaranas ng pangungutsa't diskriminasyon dahil darating ang panahong magiging pantay na tayong lahat pagdating sa kasarian. Makakamit din ang mga karapatan kung anuman ang karapatang tinatamasa ng babae't lalaki. Mabuhay ang mga bakla't tomboy sa sanlibutan! 


August 10, 2015
Monday
Year III-222

6u-z. Tila dumampi lamang sa palad ng saglit ang Weekends at walang kaamor-amor na sumapit nanaman ang araw ng Lunes. Gawa na may napag-usapan kami ni Sarah tungkol sa gagawing project, di pa man lubusang masigla ang mata'y bumangon na at nag-almusal. Kung kailan nasa biyahe na ko't nakapagbayad na, saka ipinabatid ni Sarah na di raw ito makakapunta dahil sa may iniinda itong karamdaman. Nakakainis naman dahil nagsayang lamang ng pamasahe't di na lang dapat ako pumunta. Sa kabila na naghahari ang inis, wala naman magagawa't inunawa na lamang siya. Wrong timing nga lang at ngayon pa siya nagkasakit. Kahit di matutuloy ang aming napag-usapan, itinuloy ko ang pagtungo sa Eskwela upang bumili ng buto ng pusa. Pagkatungo, sinabi ng tinderang binabae na mamaya pa raw ang delivery para sa buto ng pusa, di muna umuwi't naisipang magtungo sa Library.

6v-a. Pagkaalpas sa Library ay saktong nadatnang naroroon ang ilang kamag-aral. Ginaganap pala ang kanilang pagpupulong. Kahit di kagrupo't malapit sa loob, nagawa ko pa rin makisalamuha. Ang seryosong pag-uusap-usap tungkol sa presentasyon, napadako sa kung anong bagay hanggang sa mailabas na ang ngipin sa kakatawa. Wala na kaming ibang ginawa ng oras na iyon kundi magkwentuhan at Selfie. Kahit paano, di nasayang ang pagpunta ko dahil sa kanila't sa sarap at saya pang kasama, tila di ko pa ibig ang umuwi. Saka lamang naisipang umuwi ng magpasyang umalis si Angel. Tumungo muna kami sa may Mercury drugs upang bumili ng pagkain, pagkatungo'y saktong nakasalubong si Ma'am Ria. Umiral agad ang takot sa dibdib ng magkita kami ni Ma'am at manginig-nginig ang mga daliri't paa ko. Sa takot, ibig ko ng magtago at huwag ng tumuloy at sumidhi ang takot ng tanungin kung bakitabsent ako noong nakaraang pagkikita.

6v-b. Patuloy na namamayani ang takot kaya di agad makapagsalita. Sa mukha pa lamang ni Ma'am, tila ikagagalit niya kung anuman ang tugon ko. Sinabi ko ang totoong dahilan at biglang namayani ang kaginhawaan sa dibdib ng pakitaan ng ngiti sa halip na ngitngit. Di ko sukat akalain na magiging ganon ang reaksyon niya't marahil ay naunawaan naman ang dahilan ko o sadyang nagbago na siya. Pakiwaring lumilipad ako matapos kausapin ni Ma'am Ria. Bago umuwi, naisipan munang tumungo sa Computer shop. Malapit ng gumabi ng makarating sa bahay. Sa layo ng nilakad ay labis ang pagod ko't diretso sa paghinga. Pagsapit ng gabi ay may kung anong sabik ang umiiral sa aking dibdib para bukas, lalo na't magkikita ko siyang muli. Hindi talaga mapigilan ang aking nararamdaman at parating siya ang sumasagi sa isipan ko,Sir Jigo. Sa labis na pagkasabik, di tuloy makatulog.  


August 11, 2015
Tuesday
Year III-223

6v-c. Anong sigla't saya talaga ang namamayani sa dibdib sa pagmulat ng mga mata at di mamatay-matay ang paghumaling sa kanya. Di ko maipaliwanag kung bakit ganito ang nararamdaman at nagiging makulay ang araw sa tuwing sumasagi ito sa isipan. Siya ang dahilan kung bakit naeenganyo akong pumasok at mag-aral ng mabuti. Ang saya't kilig na naghahari sa dibdib, biglang pumalit ang inis ng sumakay ako sa Tricycle. Napakainit ng ulo ng tricycle driver na iyon at di rin maganda ang turing sa mga pasahero. Tila dinaig pa ang babaeng dinadatnan kung magpakita ito ng katarayan. Sa inis, ibig ko na itong patulan pero di na lamang nagpadala't baka magkaroon pa ng gulo. Hinabaan na lamang ang pasensiya ko sa kanya. Humupa naman agad ang yamot sa dibdib pagkaalpas ng yapak sa eskwelahan. Sa halip na magsimula na angDissection para sa pusa, nagkaroon muli kami ng Practical exam.

6v-d. Sa kagustuhang makatamo ng kaaya-ayang marka, dibdiban akong nagsaulo. Kaasar at di man lamang tumatatak sa isipan kung anuman ang inaaral, nga-nga at wala tuloy maisagot ng sumalang na sa practical test. Lundugan kami sa tuwa ng ianunsyo ni Sir Patrick na sa Biyernes na ang pasahan ng mga buto sa halip ngayon, may panahon pa upang pagandahin at tapusin. Matapos ay bumaba na kami't tumungo sa silid. Malungkot na balita agad ang bumungad sa amin ng ipabatid ni Bonna na di raw makakapasok si Sir Jigo, ang nakakagulat pa'y sa dinapuan ito ng Dengue. Hiyawan muli sa tuwa ang mga kamag-aral ko pagkat iniisip na maaga muli ang uwian mamaya subalit tila taliwas ang pakiramdam ko't di natutuwa.

6v-e. Sa sobrang dismaya ko, nawalan na ng ganang pumasok at ibig ko ng umuwi. Sayang ang araw kapag di ko siya nakikita. Maya-maya pa'y pumasok na si Ma'am Eloisa. Namayani agad ang takot sa dibdib at nabigla kami ng ipabatid na magkakaroon ng maikling pagsusulit, patay at di pa nakakapagrepaso. Sa bait ni Ma'am, binigyan kami ng panahong makapagrepaso. Ilang sandali pa'y nagsimula na ang maikling pagsusulit. Naging mahirap ang pagsusulit kaya wala halos maisagot at naba-blangko ang utak. Kahit isipin ko siya bilang inspirasyon ay di tumatalab at nangangamote pa rin, ang resulta'y mababang marka ang natamo ko. Ayos na rin kaysa mag-uwi ng itlog. Bago kumain at kasama sina Abby ay tumungo pa sa Cebuanna Lhuiller upang kumuha ng kanyang padala. Matapos ay saka lamang kumain at tamang kwentuhan kaming magkakasama. Makalipas ang higit isang oras, lumakad na kami pabalik ng silid.

6v-f. Sa oras ng English, may panibagong aralin muling naituro sa amin si Sir Jenor. Hirap talagang makasunod sa kanyang itinuturo kapag walang aklat at nangangapa pa. Di rin lubos maunawaan at marinig kung anong tinuturan dahil malaipis ang boses nito. Maya-maya pa'y Statistical Science na't dahil may karamdaman si Sir Jigo, nagkanya-kanya na kami sa pag-uwi. Habang naglalakad palabas ng Campus ay bigla kaming inabisuhan ni Bonna na bumalik at sinabing may humaliling professor. Matanda na ito at hitsura pa lamang, mapaghahalataang masungit subalit tila pamilyar ang mukha nito. Sa halip ipagpatuloy ang turo ni Sir at dahil maaga pa raw, binilinan niya kaming magtungo muna sa library at doon manatili.

6v-g.  Ibig ko na talagang umuwi dahil wala namang gagawin subalit nakasasalay ang attendance ko. Nagkanya-kanya kaming gawa kung anong ibig gawin habang nasa library at lumipas ang isang oras ng magtungo ang professor na iyon. Nang matingnan kami ng professor, saka lamang nagkanya-kanyang uwi. Sa sobrang trapik sa lansangan, malapit ng abutin ng gabi ng makarating ako sa bahay. Sa tindi ng nararanasang gutom, diretso ako sa paglantak. Ngayong panahon ng Tag-ulan, uso talaga ang Dengue at kailangan ng ibayong pag-iingat. Kahit pinamumugaran ng lamok ang bahay at di maubos kahit puksain, mapalad pa rin kami't di nadadapuan ng ganong uri ng sakit.


August 12, 2015
Wednesday

Year III-224

6v-h. Tuluyan ng naghari ang liwanag sa labas ng ako'y dumilat at bumangon. Kakaibang ligaya muli ang nadarama sa dibdib lalong lalo na sa tuwing sumasagi siya sa isipan ko't pakiwaring malabahaghari ang araw ko. Kamusta na kaya siya't nawa'y magaling na ito ng sa gayo'y masilayan ko na siyang muli. Miss na miss ko na ang kanyang boses, ang amo kasi't sarap dinggin. Sa namumutawing sigla sa dibdib, ibig kong lumundag at sumigaw pero hiya ang pumigil sa naisin. Pagkabango'y diretso agad ako sa pag-aalmusal. Nang malamnan ang sikmura, sinimulan ko na ang gawaing bahay. Sa kadahilanang masigla't masaya ang pakiramdam ko, ni ilalim ng katre'y nagawang linisan subalit matinding hapo ang inabot matapos ang gawaing bahay. Tigil muna din ang aming negosyo sapagkat ginagawa pa ang pundasyon nito't mukhang aabutin pa ng isang linggo bago iyon matapos.

6v-i. Bago pa man sumapit ang tanghali ang biglang pagdilim ng kalangitan. Namayani agad ang takot sa dibdib sa unang beses na dumagundong ang pagkulog. Sa takot, nagtalukbong muli ako. Tila kay aga naman ng Thunderstorms o dala na marahil ng Habagat. Ilang sandali pa, bumuhos na ang malakas na ulan. Tumagal ang ulan ng halos tatlong oras, kaya ang resulta'y lubog muli sa baha ang Sitio Ison Site, mapalad at di naman kami inabot ng baha. Dakong hapon na ng tuluyang tumila ang ulan at muling magpakita ang haring araw. Gawa na batong-batong manatili sa loob ng bahay, naisipan kong magkumpyuter.

6v-j. Anong bagal ng internet at nakakaubos ng pasensiya. Kahit muntikan ng mag-init ang ulo dahil sa inip ay buong loob pa ring nagtiyaga. Di tuloy nagawa lahat ng ibig gawin dahil sa usad pagong na internet connection. Nagwaldas lamang ng pera't di naman nasulit. Pagsapit ng gabi, di naman ako makanuod sa malaking telebisyon pagkat ito'y nagloloko at di matukoy ang tunay na dahilan. Sa kagustuhang makapanood ng paboritong programa, nagtiyaga na lamang sa luma't maliit na telebisyon. Kung kailan maganda't nakakakilig ang eksena'y badtrip naman sapagkat sunod-sunod na namamatay ang telebisyon. Mukhang di ibig ng tadhanang manuod ako ng telebisyon. Gawa na nagloloko ito, pinatay na lamang at natulog.


August 13, 2015
Thursday

Year III-225

6v-k. Pakiwaring kulang na kulang ako sa tulog at hirap idilat ng maigi ang mga mata dahil sa namamayaning antok. Tila nawawala na ng ganang pumasok sapagkat batid ng isip na di ko naman ito makikita. Hindi biro ang sakit na kanyang pinagdaraanan at iyon ay pangmatagalan bago gumaling. Mukhang aabutin pa ng isang buwan bago ko siya makitang muli at di na ako makapaghintay pa. Hindi siya mawaglit-waglit at patuloy pa ring naiisip. Habang nasa biyahe'y tamang pagbabasa lamang ang inatupag ko. Pagdating sa Eskwela, mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadatnan ko at wala pa si Ma'am Ria. Ilang saglit pa ang makalipas ng pumasok si Ma'am Ria at nagsimula na ang pangkatang pag-uulat. Mukhang di nakapaghanda ng maigi ang mga magsisipag-ulat pagkat kita sa mukha ang kaba't di rin makapagsalita ng maayos.

6v-l. Gawa marahil kaharap nila si Ma'am Ria o baka di talaga nakapaghanda. Dahil sa di maayos at malinaw ang kanilang pag-uulat, nagsimula ng umusbong ang galit ni Ma'am at kami'y pinaulanan ng nagngangalit na sermon. Sa tindi ng namamayaning takot, karamihan marahil sa amin ay mapapaihi na. Masaya magturo si Ma'am subalit ibang klase ang takot kapag ito'y nagalit. Tila nakalas ang takot na nakagapos sa dibdib ng dismissal time na. Tama sila't sa akin lang marahil mabait si Ma'am Ria. Sa halip na kumain, mag-isa akong tumungo saLibrary at nilibang ang sarili sa paglalaro. Makalipas ang isang oras at pagkababa, laking gulat ko na lamang at di makapaniwala ng biglang makita ang presensiya ni Sir Jigo. Marahil sa kakaisip sa kanya'y nagha-hallucinate na ko pero ng makipagbatian ito sa ibang estudyante, siya nga't di ako nagkakamali. Nagtataka lamang ako't ang bilis naman ng kanyang paggaling.

6v-m. Sa hiya ay tumalikod ako ng ito'y papalapit. Sa oras ng Cognitive Psychology, nagkaroon muli ng Group presentation. Mistulan kaming nasa teatro sapagkat stage play ang routine ng kanilang presentasyon at palong-palo ang bawat kaganapan. May nagkakaigihan, may nag-uusap at minsan ay awayan na muntikan ng mauwi sa personalan. Kahit kung ano-ano ang sinisingit na serye ay mahusay pa rin naman ang takbo't creative ang nag-isip. Matapos, tumungo na kami sa kabilang silid. Sa oras ng Education 6 ay nagsimula na ang Pangkatang pag-uulat na pinangunahan nila Angel. Ilang saglit pa, lumabas na kami't agad na tumungo sa may Athletic Center. Di sana ako papasok sapagkat nakaligtaang magdala ng PE uniform subalit hindi ko na ibig pang madagdagan ang absent, pumasok pa rin ako.

6v-n. Inanunsyo lamang ni Ma'am Darvy na may mahalaga itong gampanin na nagkataong sumabay pa sa oras namin at sa halip na magturo'y naglaro lamang kami ng Board Games. Games of the generalChessScrabble at Word Factory ang nilaro namin subalit iyon ay salit-salitan at di sabay-sabay. Sa kakapusan ng oras, hindi lahat ng Board games ay nalaro ko subalit sulit naman at nakakaaliw. Ilang sandali pa, uwian na. Sina Mika muli ang nakasabay ko't dami muling tawa sa kanila. Pagdating sa bahay at dahil bukas na magsisimula ang dissection ng Pusa, paghahanda ng mga kagamitan ang inatupag ko. Di pa naman malakas ang loob ko para diyan at sana'y kayanin ng dibdib. Di ako madaling dalawin ng antok kaya malapit ng maghating-gabi ng matulog.


August 14, 2015
Friday
Year III-226

6v-o. Sa sarap muli ng tulog na tipong di na maawat ang sarili, eksakto ikalima na ng umaga ako nagising at bumangon. Habang ako'y nasa biyahe't nakadungaw sa daanang binabagtas ay bigla na lamang nasulyapan ang mga pusa. Ang rurusing ng hitsura at kaawa-awa pa ang kalagayan. Sa awa'y ibig ko sanang kupkupin. Dahil sa nakita't awa sa mga Pusa ay tila nawalan na ng lakas-loob na mag-dissect ng pusa mamaya. Kahit umiiral ang habag ay di naman maaari sapagkat doon nakasalalay ang grado ko. Pagdating sa eskwela, tanging mga kamag-aral ko pa lamang ang nadatnan. Habang di pa dumarating si Sir Patrick, abala na kami sa paghahanda ng gagamitin para sa Dissection. Isang oras na ang lumipas, wala pa si Sir Patrick at mukhang mauudlot ngayon ang aming Dissection. Dahil walang guro, naghari ang kaingayan sa buong silid. Maya-maya'y nagtungo si Bonna sa harapan at inanunsyo ang tungkol sa pagpili ng pambato para sa Miss Psychology.

6v-p. Matapos ay nagkaroon ng halalan. Nalungkot ako sapagkat di pinalad na maging pambato ang aking iminungkahi. Kahit na gayon ay palarin sanang manalo ang aming pambato na si Shaira. Kung kailan malapit na ang dissmissal time ay biglang dumating si Sir Patrick. Isa-isa kaming tinawag at kinuha ang mga Pusa sa budega. Sa tigas at alisangsang nito, mandiri ako habang kinukuha ito. Pagkakuha, binalutan namin ito ng Katsa, Plastic cover at Garbage bag upang di amagin sabay isinuksok saCat bag pagkaselyo. Halos magkandakuba ako sa bigat ng bitbit na Cat baghabang pababa kami. Nandoon na si Ma'am Eloisa pagkadako namin sa silid at nagkaroon muli ng pangkatang pag-uulat. Sa ingay at daldal ng iilang kamag-aral, nabakli na ang pasensiya ni Ma'am at nagpuyos na ito sa galit.

6v-q. Pinaulanan niya kami ng naglalagablab na salita at halos mapaso na ang dibdib. Paano'y may nag-uulat sa harapan tapos sasabayan pa ng pag-uusap na tipong di kayang pigilan ang bibig. Nasayang tuloy ang oras sa kakasermon at sila kasi, di na nga nagbabasa tapos ang iingay pa. Ang galing-galing magturo ni Ma'am at mabait pa, tapos iyan ang igaganti namin sa kanya. Labis tuloy akong nagi-guilty sa mga sinasabi ni Ma'am at ibig na humingi ng paumanhin subalit di ko ibig ang maging pabida. Sa kakatalak ni Ma'am Eloisa, di namalayang Lunch break na. Kina Rodrigo ako nakisabay sa pagkain at lumipas ang isang oras, bumalik na kami ng silid. Sa oras ng English, nagturo lamang sa amin si Sir Jenor. Hindi ko naman siya maintindihan at marinig pagkat mas malakas pa ang bibig ng kamag-aral.

6v-r. Hindi pa man natatapos ang oras ay umalis na si Sir Jenor. Dahil may nalalabi pang oras bago ang sumunod na asignatura, lumabas muna ako at nagpa-zerox. Ang sabik sa dibdib, pasidhi na ng pasidhi lalo na't makikita ko siyang muli. Pagkabalik sa silid ay saktong nagtuturo na si Sir Jigo't namayani agad ang tuwa ng banggitin nito ang pangalan ko. Makulit pa rin itong magturo't daming galaw but I still like him. Di ko lamang maiwasang mainggit sa tuwing may kausap ito o kaharutan,  gawa-gawa na lamang ng paraan para mapansin niya. Bukod pa roon kapag kausap mo ito, ang lambing-lambing ng boses at nakakagaan ng loob. Lahat marahil ng magagandang katangian mayroon sa kanya'y napupuna ko na at di man lang magawang mamuhi. Sa totoo lamang, unang beses dumating sa buhay ko na mahulog ang loob, sa isang teacher nga lang. Mabuti na rin iyon para insipired.


August 15, 2015
Saturday

Year III-227

6v-s. Pag-alburoto ng sikmura ang gumising sa mahimbing na tulog. Pagkatingin sa orasan ay malapit ng sumapit ang Alas-Singko kung kaya pagkagaling ng banyo'y di na ko bumalik ng kama't dagliang nag-almusal. Pabalik-balik ang pagsakit ng tiyan ko subalit kahit di maganda ang lagay ay pumasok pa rin ako. Umigi-igi naman ang lagay nito pagdating sa eskwela't di na rin nadudumi. Wala pang guro kaya ang ingay, naghahari muli't nakakarindi. Sa halip na makipagpalitan ako ng kuro-kuro, nagbasa na lamang sapagkat magkakaroon mamaya ng maikling pagsusulit sa Theories of Personality. Maya-maya pa, pumasok na si Ma'am Ria. Ipinagpatuloy niya muna ang naantalang aralin nitong huling araw. Habang nagtuturo si Ma'am ang biglang pag-usbong muli ng aking sikmura at mangiwi-ngiwi ako sa sakit. Sa takot na magkalat ng kalagim-lagim na laman ay buong tapang na pinigilan iyon.

6v-t. Sa labis na sakit ay nawalan na ng konsentrasyon sa pakikinig at madalas ay napapayukod. Laking pagsisi ko at dapat ay di na lang pumasok. Matapos magturo ni Ma'am, lumabas ito't sinamantala iyon upang magrepaso. Bukod sa maingay ay patuloy kong nararanasan ang pagsakit ng sikmura kaya lalo pang di nakapagrepaso. Kanya-kanyang takot sa sarili pagkabalik ni Ma'am at nagsimula na ang pagsusulit. Halos wala akong maisagot at labis ng nangangamote. Kay hirap na ng aking nararanasan at ibig ko ng ilabas ito. Matapos ang pagsusulit ay lumabas na kami. Saka lamang nawala ang sakit kung kailan breaktime subalit minabuti ko na ring huwag ng dumalo sa mga susunod pang asignatura at umuwi.

6v-u. Pagdating sa bahay ay diretso banyo ako't nanumbalik ang pagginhawa ng pakiramdam ng mailabas ang natatagong laman. Kahit tinamaan ng Diarrhea ay naging masiba pa rin sa pagkain at matapos ay nagpahinga. Sa takaw kong matulog, mga dakong hapon na nagising at naging maayos na rin ang kalagayan ng aking sikmura. Gawa na tinamaan ng pagkabato'y wala akong ginawa sa maghapon kundi magkulwit ng Android phone at mag-Facebook. Panonood naman ng telebisyon ang iginugol ko pagsapit ng gabi't sa totoo lamang ay masarap magbuhay alamang paminsan-minsan at pakiramdam ko'y ang rangya ng buhay kahit payak lamang ang pamumuhay. Matapos manood, kaagad na kong natulog.


August 16, 2015
Sunday

Year III-228

6v-v. Malapit ng sumikat ang bukangliwayway ng magising at bumangon. Tila kakaiba itong nararamdaman ko't mahirap maipaliwanag kong ano ito, pakiramdam ko'y may hindi magandang daratal sa aking buhay. Sana mali ang kutob ko at gawa lamang marahil ng kung ano-anong sumasagi sa isipan. Gawaing bahay agad ang inatupag ko matapos mag-almusal. Araw-araw na lamang, parating may nalilikom na alikabok sa sahig at tila di ito maubos-ubos. Mapalad ang mga tahanan ang sahig ay lupa sapagkat di na kailangang walisan kaysa ang sahig na tiles subalit maigi na rin iyon kaysa naman magputik kapag nabanlian ng tubig. Sa bigat at dami ng ginawa'y nangaubos ang lakas ko. Nagpahinga muna ng ilang sandali at maya-maya'y paglalaba naman ang inatupag ko. Sa bilis kong magkusot ay kaagad din naman ito natapos.

6v-w. Sa dami ng ginagawa'y di namalayang tanghaling tapat na, kanina pa kumakalam ang tiyan kung kaya diretso tungo sa mesa pagkaluto ng ulam. Sinabawang karne't piniritong isda ang naging pananghalian namin. Sa sarap at linamnam nito, di maawat ang bibig sa paglasap at halos wala ng mapaglagyan sa dami ng kinain. Kinahapunan, nagtungo ako sa Computer shop upang mag-research ng assignment. Sa usad pagong na Internet connection ay di ko man lang masulit-sulit ang paggamit nito't nakakaubos ng pasensiya. Di rin natapos ang pag-research ko't minabuting mag-log-out na. Malapit ng kumagat ang dilim ng ako'y makarating sa bahay. Matapos itutok ang mata sa panonood ng telebisyon at gawa na di pa dinsdalaw ng antok, nagpakapuyat ako sa pag-Facebook. Sa labis na humaling sa pag-online sa Social Media, dakong hating-gabi na ng maisipang ihimlay ang sarili sa kama. 


August 17, 2015
Monday

Year III-229

6v-x. Araw muli ng Lunes subalit wala pa rin kaming pasok kung kaya di gasinong maaga nagising at bumangon. Matapos mag-almusal ay pamamalantsa ang inatupag ko. Sa dami ng uniporme't pantalon na pinalantsa'y inabot ako ng halos dalawang oras at ngalay na ang likod. Nang matapos sa pamamalantsa, kagad akong tumungo sa Taas upang ipalimbag ang ni-research na assignmentkahapon. Habang naglalakad ay saktong napigtal ang suot na salamin. Malapit lang naman ang Optical clinic sa shop kung saan ako nagpapa-print kaya naisipang pumunta roon matapos ilimbag ang research. Natanggal pala ang turnilyo nito na siyang dahilan kung bakit nabaklas ito. Hindi naging madali ang paglalagay nito kaya napatagal pa ko roon. Habang inaayos ng Opthalmologist ang salamin ay tamang huntahan lamang kami sa isa't isa. Naayos naman niya ang salamin kinalaunan at kay bait niya, sapagkat ng inaalok na bayaran ko iyon ay di na ito pumayag at tulong na raw niya iyon sa akin.

6v-y. Matindi na ang nararanasang init sa labas habang naglalakad at halos maligo na sa sariling pawis pagdating ng bahay. Pagsapit ng tanghaling tapat, lalo pang sumidhi ang nararanasang init at animoy nagbabalik ang Summer season. Kinahapunan at sa tagal na di nakakadalaw sa kanila, naisipan kong tumungo sa bahay nina Angelica. Sa halos dalawang buwan na di kami nagkikita ay napansin ko ang pagbabago sa kanya. Kamustahan kaming dalawa at tamang kwentuhan din. Natutuwa ako sapagkat lahat ng nasa isip ko'y nailalabas at nakikinig naman ito. Maya-maya, nanood kami ng Video gamit ang selepono niya. Sa una, di ako interesado't pakulwit-kulwit ng sariling selepono ang intupag pero ng kalagitnaan na, doon ko nagustuhan ang pelikula't nakakapukaw ng damdamin.

6v-z. Malaromansa ang bawat kaganapan at sinasampal sa kilig ang puso ko. Iyon nga lamang ay di naging masaya sa huli sapagkat di naging sila subalit may natutuhan naman ako. Di lahat ng taong pinipintig ng iyong puso ay iniisip na may forever sa inyong dalawa. May Forever subalit di lahat ng nag-iibigan ay makakamtan iyon at tanging mga taong matatapang at may paninindigan lamang ang makakatamo niyon.  Kung natatakot kang ipaglaban ang pag-iibigin ninyo, huwag ka ng umasang may forever sa inyo. Kumukulog na't ibig pa man manatili sa kanila hanggang gabi subalit sa takot na abutan ng ulan, umuwi na ko. Di naman malakas ang ulan at daglian itong tumila. Iyon nga lamang kung kailan humaling ang mata sa panonood ng palabas ang biglang buhos ng ulan. Kainis at nakakakilig pa naman ang palabas sa Pangako sa'yo, sayang at di ko nasubaybayan dahil sa lintik na ulan na iyan.


August 18, 2015
Tuesday

Year III-230

6w-a. Hindi na inaantok pa kung kaya Alas-kwatro pa lamang ay bumangon na ko't nag-almusal. Bago magtungo sa eskwela'y inihanda ko muna ang lahat ng mga kagamitan para sa aming dissection. Mapapasabak muli ang pang-amoy ko sa masangsang na Formalin at sana'y kayanin ng katawan ko. Dakong ikapito na ng marating ng yapak ang eskwela't habang wala pang guro'y kanya-kanya na kaming bihis at paghahanda. Pagkapasok ni Sir Patrick, binuksan namin angCat bag at pinagtatanggal ang nakaselyo sa pusa. Bago pa man magsimula ay itinuro niya sa amin ang tamang pagbabalat sa specimen. Matapos ay pinagtulungan namin ni Sarah balatan ang pusa't ito'y di biro pagkat masakit sa mata at lalamunan ang Formalin. Kahit nakakaramdam ng pandidiri'y ipinagpatuloy pa rin ang pagbabalat.

6w-b. Nang tumagal-tagal at dahil sa tapang ng Formalin, kahit di naiiyak ay napapaluha ako. Tila naghihiwa ako ng libo-libong sibuyas pagkat di ko mapigilang lumuha't sinisipon na rin. Gawa na di na makaya pa ang amoy ng Formalin, nagpasyang itigil na ang pagbabalat at iatang na lang sa katuwang. Mabuti't kaya pa niya't pumayag naman ito. Makalipas ang halos tatlong oras, sa wakas at natapos din namin ang pagbabalat. Bago bumaba'y binalutan muna namin ang specimen. Sa oras ngZoology 2 lecture ay ipinagpatuloy ang pangkatang pag-uulat. Bukod sa may nag-uulat ay nagkaroon rin ng Class recitation kaya umiral muli ang kaba sa dibdib. Maya-maya'y lumabas na kami't kumain.

6w-c. Sa oras naman ng English, nagkaroon kami ng group activity at iyon ay gumawa ng tulay gamit ang labin-dalawang chewing gum at palito ng posporo sa loob ng limang minuto. Tawang-tawa ako sa strategy namin sapagkat laway ang pangunahing sangkap sa paggawa ng tulay at nanlagkit ng husto ang palad sa kakapilot. Di ko alam kung para saan ang pinapagawa sa amin ni Sir Jenor pero nabigyan ng kasagutan ang katanungan sa isip matapos gawin ang mga tulay. Magkahalong tuwa at kilig muli ang namayani sa dibdib pagkat makikita ko muli si Sir Jigo. Ilang saglit at pagkapasok nito'y muntikan ng mapakapit ng mahigpit pagkat ang tindi pa rin ng dating niya't ang kisig ng hitsura. Hindi tuloy ako makititig ng diretso sa kanya habang ito'y nagtuturo't nakakalibang ito. Maya-maya at sa bait ni Sir Jigo, binigyan niya kami ng 15 minutes break. Kahit nalalayo ang agwat ng edad namin sa kanya ay mistulan itong bata kung makipagharutan kila Bonna. Habang sila'y pinagmamasdan at sa halip na tuwa'y inggit ang umiiral sa dibdib.

6w-d.  Di ko mabatid kung bakit mas nilalapit niya ang loob sa babae kaysa lalaki't kung umasta'y parang kasing level niya lang sila. Kahit nandoon si Sir Jigo, naging napakaingay ng buong silid at siya pa nga ang pasimuno. Biglang pumayapa ang buong silid matapos ang break at ito'y nagturo muli. Maya-maya pa, sa wakas at uwian na't kahit di niya ko gaanong kinakausap gaya ng ginagawa sa iba, sapat na rin sa akin na makita ito ng matagalan. Pagdating sa bahay at dahil walang magawa, naisipan kong mag-Facebook. Pagka-upload ng kinuhaang litrato habang isinasagawa ang dissection ng pusa, ilang saglit pa lamang ang nakakaraan ay na-shock ako sapagkat pinutakti agad ng mga komento.

6w-e. Karamihan ay sinasabing bawal raw ang ginagawa ko't maaring ikapahamak at maging eskwelahang pinapasukan. Natakot ako sa mga sinasabi nila't agad na binura ang ini-upload na larawan. Kahit binura ko na, di pa rin magawang mapanatag at natatakot ako sa mga maaring mangyari. Ang laking inutil ko talaga't kung alam lamang na bawal iyon, hindi ko na sana itinuloy pa. Mapapahamak si Sir Patrick at ang eskwelahan sa ginagawa kong ito't huwag sanang mangyari kung anuman ang aking pangamba. Patuloy akong dinadaga ng takot at kaba, dahilan kung bakit di makatulog ng maayos. Hiling lang na huwag kumalat ang litratong iyon upang di na lumala pa ang pinagdaaranan ko.  


August 19, 2015
Wednesday

Year III-231

6w-f. Madaling araw na subalit hindi pa rin makamtan ang masarap na tulog dahil sa umiiral na takot at kaba. Hindi talaga maalis-alis ang takot sa dibdib at patuloy ko itong nararanasan. Iniisip ko, paano kung trending na Nationwide ang pinaskil na larawan sa Facebook o di kaya lumabas na sa balita o pahayagan, paniguradong ako ang magiging laman ng usapan at maaring maapektuhan ang reputasyon ng eskwelahan. Hindi ko ibig mangyari ang aking iniisip at hiling ko sana'y kakaunti lamang ang makakita at yung mga nakakita, huwag naman sanang ikalat. Paano ang pag-aaral ko nito't ikinakatakot na baka mapatalsik. Ang inutil ko kasi, bakit nagawang i-post ang larawan samantalang bawal pala iyon at baka mai-report sa Awtoridad. Dahil dinadaga ng takot, kung ano-ano ng sumasagi sa isipan at nagiging praning na.

6w-g. Maliwanag na sa labas ng dumilat ang dalawang mata, hindi ako makabangon at ibig pang matulog ng matagal. Sana nga'y hindi na lang magising at mamuhay na sa panaginip, ng sa gayo'y matakasan ang kinakaharap na problema subalit di maaari at kailangang tatagan ang loob upang kaharapin iyon. Bahala na sa mga maaring mangyari, basta tuloy ang buhay at umaasang malalampasan ko ito. Holiday muli dahil kaarawan ni Quezon, wala muling pasok subalit para sa amin, di naman madama ang holiday sapagkat wala naman talaga kaming pasok ng ganitong araw. Kaasar at natapat pa sa araw na wala kaming pasok ang mga holiday para sa buwang ito. Hindi ko na ibig pang mag-isip ng kung ano-ano't nais ng iwaksi kaya naisipang magpatugtog. Kahit paano, sa pakikinig ng musika'y tila nasa ibang mundo ako't walang inaalalang problema. Ayaw ko ng lumala ang kinakaharap na problema subalit nakakainis dahil nasermunan ni ina hinggil roon at napakarami niyang sambit.

6w-h. Kagabi pa iyan nangyari pero tila di maka-move on at binabalikan pa rin. Naimbyerna tuloy ako ng husto kay ina kaya nasigawan ito. Kahit gayun ang gawin tila di tumatalab at napatuloy pa rin sa pagputak. Sa inis, nagawa ng magdabog at ihagis ang mga bagay. Gusto ko na ngang makalimutan iyon, pinapaalala pa niya't di siya nakakatulong. Humupa naman ito sa pagputak ng makitang badtrip na talaga ako. Kahit na may kinikimkim na sama ng loob ay ipinagpatuloy pa rin ang gawaing bahay. Anong init ang aming nadarama pagsapit ng tanghaling tapat, kaya ng hapon ay bumuhos muli ang napakalakas na ulan at sinabayan pa ng pagbuga ng hangin. Pagsapit ng gabi'y umiral muli ang kaba sa dibdib. Tila ayaw ko pang pumasok bukas at magpakita sa mga kamag-aral sapagkat batid ng isip na pauulanan ng pangangantiyaw at batikos subalit di ko naman ibig ang lumiban. Bahala na bukas at patnubayan nawa ng maykapal. 


August 20, 2015
Thursday

Year III-232

6w-i. Umigting pa lalo ang nadaramang kaba't takot sa dibdib, lalo na't napipinto na ang pagharap ko sa mga kamag-aral. Pilit kong pinapatatag ang kalooban at nilalabanan ang takot pero di mapigilang isipin ang mga maaring mangyari. Iniisip ko, baka sa aking pagpasok ay di magandang balita ang sumagupa'tdi baka di iyon kakayanin. Tila ibig ko munang lumiban sapagkat di pa handa ang kalooban subalit nagpakatatag pa rin at bumangon. Kung kailan malapit ng sumakay ay doon sumalakay ang matinding takot sa dibdib. Akala ng una'y kakayanin pero di pala't tila naduduwag ako. Mukhang di ko kakayanin kapag nangyari ang aking pingangambahan kaya minabuting huwag ng ituloy ang pagpasok. Labag man sa kalooban at batid kong masama ito pero walang maisip na paraan at nagawa ko ng magpanggap kila ina.

6w-j. Pagkabalik ng bahay, idinahilan kong masakit ang tiyan kahit ang totoo'y di naman kaya di pumasok. Paniwalang-paniwala naman sila sa pagpapanggap ko kaya sila na mismong nag-abisong huwag ng pumasok. Habang lugmok ang sarili sa kama'y labis ang pagsisisi sa ginawa ko. Ano ba ito't nagawa pang magsinungaling sa kanila, nadagdagan pa tuloy ang kasalanan. Patawarin sana nila ako at ng maykapal sa aking mga nagawa. Ngayon ko lang napagtanto na walang magandang maidudulot ang pananamlay ng kalooban. Nagpanaig ako sa takot, kaya iyan at nagawang magsinungaling at magkunwari. Nangangakong di ko na ito uulitin pa at kung sakaling matutuksong gawin, pipiliting pigilan. Wala akong ginawa sa maghapon kundi humiga at libangin ang pagkulwit ng Cellphone. Ginawa na ang lahat, maibsang lamang ang kabang nararanasan sa dibdib subalit naririyan pa rin at di maalis-alis.

6w-k. Kinagabihan, panonood ng telebisyon ang iginugol ko. Nakakayamot lamang ang nasubaybayan ko sa Nathaniel sapagkat kung kailan nagbabago na si AVLat tinatama ang lahat ng pagkakamali, pinipigilan naman siya ni Paul at sarado pa ang isip kapag pinapangaralan. Sa pagbabago ni AVL, mukhang mahihirapan siyang maitama ang mga pagkakamali dahil sa anak nito. Sana gaya ng ibang taong butangero si AVL na dati'y sagad sa buto ang kasamaan at halang pa ang kaluluwa, pero sa isang iglap ay nagbago't banal na ang kalooban. Ako kaya, kailan kayang magagawang baguhin ang sarili? Kung sakali man, sana'y kayanin ko.


August 21, 2015
Friday

(Ninoy Aquino day)
Year III-233

6w-l. Another holiday again for celebrating the death of Ninoy and it is joyful day again to us because no classes at all and  can spend a time to do what we want. Gawa na walang pasok ay tinanghali nanaman ako ng gising at bumangon. Matapos mag-almusal, paglalabandero ang inatupag ko. Di naman makapagpatuyo sapagkat nahihiyang magpakita ang haring araw at pamaya't maya ang buhos ng ulan. Maya-maya at dahil ngayong araw balak turukan ang pusa'y tumungo ako sa Taas upang bumili ng mga materials. Masasalang muli ang pang-amoy sa nakakasulasok na Formalin. Sa layo ng nilakad at dami ng pinamili, nangaubos ang lakas ko. Pagdating sa bahay at kahit diring-diri'y lakas loob pa ring pinagbabaklas ang mga nakabalot sa bangkay ng Pusa.

6w-m. Pagkabukas ay masuka-suka sa hitsura nito't tila nag-eembalsamo lamang ng patay. Kahit nakakasulasok at nakakaiyak ang tapang ng Formalin ay walang ano-anong nililinisan ang bangkay at pagkatapos ay tinurukan na ito ng Formalin. Ng mga sumunod na turok ay doon na di gumana ang injection, marahil ay nabarhan ang dulong tulis nito kaya minabuting bumili ng bago. Sa takot na maagnas kapag bumalik ay may pagmamadaling tumungo sa butika. Ng bibili na'y biglang itinuro sa akin ng tindera ang tamang paggamit nginjection, sa aking pakiwari'y di iyon basta basta't nangangailangan ng ibayong pag-iingat. Sa dami ng sinabi't itinuro niya sa akin, napatagal tuloy, naku at baka naaagnas na ang pusa subalit buo pa rin naman ng datnan at ipinagpatuloy ang pagtuturok. 

6w-n. Matapos ay binalutan ko na ito't maging iyon ay di rin biro sapagkat kailangan ay nakaselyo ng maigi. Magkandapagod ako sa pagbabalot ng bangkay at tumagaktak ng husto ang pawis. Saka lamang nakalanghap ng sariwang hangin matapos niyon at nagpahinga. Pagsapit ng tanghaling tapat, naisipan kong manuod ng telebisyon. Matindi na pala ang nararanasang sungit ng panahon sa ibang lugar dito sa Pilipinas dahil sa pananalasa ng Bagyong Ineng at gabeywang na rin ang baha. Maging ang mga yero'y nagkatuklap-tuklap na sa lakas ng hangin at mga matitibay na kabahayan lamang ang nakakaligtas. Masuwerte't di dito tumama ang napakalakas na unos at mga pabugso-bugso lamang na ulan ang nararanasan.

6w-o.  Ang masaya sanang outing para sa long weekend, mukhang masisira dahil sa unos. Matapos at dahil sa antok na rin, ako'y nag-siyesta. Nagising ako dahil sa lakas ng ulan at pagkadungaw, animoy binabayo ng bagyo pagkat sinabayan pa ng hangin at ang ginaw pa. Nagpatuloy ang mga pabugso-bugsong pag-ulan sa maghapon subalit tumila naman pagsapit ng gabi. Kinagabihan, anong ingay muli sa kapaligiran at sakit sa teynga ang patugtog ng mga tambay. Sana nga'y umulan muli, ng magsialisan sila't wala ng mangahas na tumambay pa. Takbuhan sila ng biglaang umulan at sa pagkawala nila'y naghari ang kapayapaan sa kapaligiran. Gawa na may pasok pa bukas, matapos manuod ay kaagad ng natulog.


August 22, 2015
Saturday
Year III-234

6w-p. Kung anuman ang mangyayari sa aking pagpasok ay handa ng kaharapin iyon. Pagsubok lamang ito sa buhay at malalampasan ko rin ito. Alas-tres pa lamang ay gising na ang katawang lupa ko. Dinig ko ang pagpagaspas ng bubong dahil sa lakas ng ulan at sinasabayan pa ng pabugso-bugsong hangin. Sa lakas ng ulan ay mukhang masususpinde ang klase mamaya. Dakong Alas-singko na ng ako'y bumangon, patuloy pa ring bumubuhos ang ulan subalit di naman kalakasan. Katamad tuloy pumasok sapagkat maulan pero nilabanan ang katamaran at pumasok pa rin. Pagdating sa unibersidad, laking taka ko kung bakit ang dalang ng pagdagsa ng mga estudyante't mistulang Ghost town, iniisip kong baka nasa silid na ang karamihan pero pagkaalpas sa gate, ipinabatid sa akin ng gwardiya na suspendido raw ang klase.

6w-q. Ano ba ito at nagsayang lamang ng pamasahe. Papalabas na sana ako ng Campus ng biglang makasalubong si Adrian. Maging siya'y lubhang nagulat ng malamang walang pasok. Ang ipinagtataka ko lamang, di naman kalakasan ang ulan at mukhang nagpapakita na ang araw pero bakit walang pasok. Sa halip na kami ay umuwi, naisipan pang tumungo sa Computer shop. Maayos at di mabaho ang loob nito pero nakakarindi naman ang ingay at kahit di pa time, ibig ko ng mag-log-out sapagkat di na makaya pa ang manatili. Makalipas ang isang oras ng matapos kami sa pagkukumpyuter. Di ko pa talagang ibig umuwi kaya tumungo pa sa Caloocan kung saan nakatira si Hazel. Hindi ko batid ang eksaktong address kung saan naninirahan si Hazel kaya nagawang magtatanong-tanong.

6w-r. Mukhang mahihirapan akong matunton ito sapagkat lubhang malawak ang lugar na kanyang ibinigay. Kinalaunan ay sumuko na ko sa paghahanap at minabuting umuwi na lamang.  Kagimbal-gimbal na balita agad ang sumalubong sa pagdating ko sa bahay sapagkat ipinabatid nila na muntikan na raw mainom ng Mama ang Formalin. Swerteng di naman niya nainom ito kaya masigla pa rin at buhay na buhay. Kung magkataong malagok ang Formalin malamang ay may mangyayaring di kanais-nais, di ko talaga mapapatawad ang sarili. Pasalamat na lamang sa Diyos dahil di niya hinayaang mapahamak si Mama mula sa Formalin at buhay pa rin ito. Hangal ko lamang sapagkat di nalagyan ng palantandaan ang Bote na naglalaman ng Formalin, napagkamalan niya tuloy tubig. Lalo pang naging maulan pagsapit ng hapon. Ibig ko sanang gumawi sa bahay ng kaibigan subalit sa sungit ng panahon ay napigilan ang balak ko, nanatili na lamang sa bahay at nilibang ang sarili sa paglalaro ng Gadget. 

6w-s. Pagsapit ng gabi, panonood ng television ang inatupag ko. Kakaiba lamang ang natunghayan kong kwento sa Maala-ala mo kaya sapagkat sapagkat may isang babae ang na-inlove sa isang paminta. Kung sa bagay, nag-uumapaw din naman sa kakisigan ang baklang iyon kaya may dahilan kung bakit ito nagkagusto at ang kakagulat pa, naging sila pa sa huli't dalawang taon na. May Forever kaya sa relasyon nila? Sa kabila na mahirap para sa kanya na isang bakla ay nagawa pa rin magpakalalaki at ibigay ng buo ang puso sa babae Ngayon ko lamang napagtanto na may baklang makakayang ibigin ang isang babae. Mukhang nakaka-relate ako sa kwentong iyon sapagkat nangyari rin sa akin kung anuman ang nangyari sa kanya, iyon nga lamang ay di naging kami sapagkat sa kapwa barako talaga ako nagkakagusto't hirap baguhin kung anuman ang ibig ng puso. Maya-maya pa at sa antok ay natulog na ko.


August 23, 2015
Sunday
Year III-235

6w-t. Hindi naging kagandahan ang umaga dahil masakit ang ngipin ko na kagabi pa nararanasan. Di ko mabatid kung bakit muli itong sumasakit samantalang di naman nakakaligtaan ang magsipilyo. Nahihirapan tuloy ngumuya dahil sa iniindang sakit. Ang kahapong maulang panahon ay kasalungat naman ngayon sapagkat nagpakita na ang haring araw, marahil ay nakalabas na ang bagyo at tapos na rin ang unos. Kung sa inaakala natin na parating ganito ang buhay, ay nagkakamali sapagkat may tiyansa pa iyong mabago at mas lalo pang mapapaangat kung matututong kaharapin ang pagsubok. Ganito man ako ngayon na marami pang di alam sa buhay at nasa ilalim pero umaasa na darating ang panahon na magagawang mangibabaw at titingalain ng kahit na sino.

6w-u. Walang magawa at kabato pa kaya naisipan kong magpatugtog. Sa halip na kantang mararahas at pang-party ang patugtugin ay classical music para maiba naman at di nakakasawang pakinggan.  Kaaya-aya sa pandinig ang makinig ng Classical music at tila pinapagaan nito ang 'yong kalooban. Kahit dati pa'y di nangugupas ang ganda't nakakaadik pakinggan. Sa ganda ng classical music ang nagpalimot sa sakit ng ngipin. Kahit kumikirot at mangiwi sa sakit ay ginampanan pa rin ang gawaing bahay at naglaba na rin. Maya-maya'y tanghalian na. Sayang at ang sarap pa naman ng ulam subalit di makasubo ng maigi sa takot na matamaan ang masakit na ngipin, di tuloy ma-enjoy. Maging sa pagsapit ng hapon ay patuloy pa ring nararanasan ang pagsakit ng ngipin kaya di maiwasang dumaing. Sa halip na maglakwatsa't tsikahan sa kaibigan ay tila nakapiit ang sarili sa tahanan at walang ibang ginawa kundi humilata't kulwit ng selepono. Bahagya naman nabawasan ang sakit nito pagsapit ng gabi.

6w-v. Lumalalim na ang gabi't magagawa na sanang matulog, iyon nga lang ay sadyang kay ingay sa labas kaya di makatulog ng ayos. Sumapit na ang ikasampo ng gabi subalit marami pa ring kabataang pakalat-kalat sa lansangan at nakaistambay at tila di natitinag sa magaganap Curfew. Karamihan sa kanila, mga Pabebe pa't kairita sa pandinig ang boses, parang tinutuhog ang kipay kung tumili't sarap gatungan ng kamay at sipa-sipain ng paulit-ulit hanggang sa mangisay. Di naman masabihan kaya nagtiyaga na lamang kami sa malalantod nilang tinig. Naglaho naman ang mga Pabebe kinalaunan na siya naman nagbigay kapayapaan sa kapaligiran. Huwag na sana silang bumalik at nakakabulahaw lamang kahit sabihing walang makakapigil sa kanila.


August 24, 2015
Monday

Year III-236

6w-w. Nasira ang tulog ko dahil sa malakas na ulan, pagkatingin sa relo, Ala-una pa lamang pala. Ibig pa sanang matulog subalit di na magawa sapagkat nawala na ang antok. Sa lakas ng ulan, mukhang babaha na't huwag naman sanang abutan. Humupa naman ang pag-ulan kinalaunan at saka lamang nakatulog. Sa takaw at sarap matulog, dakong ikawalo na ako nagising. Naibsan na rin ang sakit ng ngipin kaya maayos ng nakakanguya't magiging matakaw muli sa paglamon. Matapos kumain ng agahan, sinimulan ko na ang gawaing bahay. Ang inakalang magiging maaraw, kasabay ng paglayas ng bagyo ay nagkakamali sapagkat naging maulan muli ang panahon dahil sa pag-iral ng Habagat. Balak sanang lumabas subalit napigilan ng masamang panahon. Upang di lamunin ng pagkabato, paglalaro ng gadget ang siyang inatupag at nagbasa-basa rin ng kwento. Nakakalibang kahit ganito lamang ang pinagkakaabalahan kaysa lumipas ang oras na hinahayaan lamang mabukbok ang sarili.

6w-x. Humupa naman ang mga pag-ulan pagsapit ng hapon. May kahabaan na rin ang aking buhok, ibig man pahabain hanggang talampakan para babaeng-babae't habulin ng mga barako subalit di maari't baka di papasukin at tagpasin ng bonggang-bongga, nagpagupit pa rin ako. As usual at sa barber shop muli ni Mang Usman napiling magpagupit. Habang ginugipita'y dami kong tawa sa mga patutsada ng mga tricycle driver na kausap ni Mang Usman at maging buhok ko'y di pinalagpas sa pang-uukray nila. Kahit di na magawang tumawa dahil sa sinasabi'y nagpakaplastik na lamang ako. Matapos magpagupit, tumungo pa ako sa Computer Shop. Di ko lamang maiwasang mabanas sapagkat hindi mai-save sa aking Blog ang ginawang artikulo. Iniisip ko na ang mabagal na internet ang dahilan kung bakit parating pumapalya sa pagsi-save, lumipat ako. Tatlong computer shop na ang napuntahan ko subalit maging doon ay ayaw pa rin.

6w-y. Tama sila at marahil ay kailangan pang paunlarin at pabilisin ang internetdito sa Pilipinas sapagkat lubhang mabagal. Ilang ulit ko ng sinubukan subalit napupunta lamang sa wala, umayaw na ko't umuwing biguan. Kahit parating ganon, di ako susuko't maisi-save din iyon. Gaya ng pagsubok na kailangang kaharapin at tiisin at huwag sukuan. Dahil kapag sumuko ka, ikaw rin ang talo sa huli. Sa gutom ay diretso kain ako pagdating ng yapak sa bahay. Kinagabihan at matapos manuod ng telebisyon ay kaagad na kong natulog. Kung anuman ang mangyayari bukas dahil sa aking kagagawan ay handang-handa ng kaharapin.


August 25, 2015
Tuesday

Year III-237

6w-z. Malapit ng magpakita ang haring araw sa kalawakan ng ako'y magkamalay at bumangon. Dama pa rin ang kaba sa dibdib subalit di na natatakot sa kung anuman ang mangyayari mamaya't handang-handa ng kaharapin ito. Tila nabunutan ng malaking tinik sa lalamunan sapagkat di naman nangyari ang pinapangamba ko't walang ni isang kamag-aral ang nakakaalam ukol sa ginawa ko. Kung magkataong kumalat ang larawan na iyon at makarating sa dean's office, baka ikabaliw ko ang magiging hatol ni Dean. Wala pa si Sir Patrick pagkarating sa laboratoryo't kanya-kanya na kaming bihis at paghahanda ng kagamitan para sa isasagawa muling dissection. Maluluha nanaman sa tapang at alisangsang ng Formalin subalit gayun talaga't kailangang tiisin. Dahil walang magamit na Formalin ay nag-atubiling manghingi kay Sir Patrick subalit sinabi nitong sa susunod na buwan pa raw siya magbibigay.

6x-a. Labis kong ikinahinayang ang sinabi niya't ng malaman nito ang tunay na dahilan ay biglang ninerbyos si Sir, napaulanan tuloy ng maanghang na salita. Ako naman itong todo hingi ng tawad sa kanya't labis-labis kong sinisisi ang sarili. Mabuti na lamang at di nalason ang Mama mula sa Formalin, kung hindi'y patong-patong na problema ang maaring kaharapin. Bukod sa namatayan na nga, maaari pang mapahamak ang eskwelahang pinapasukan at mapatalsik pa ko. Nang panahong iyon ay wala akong ginawa kundi magpasalamat ng husto sa Panginoon dahil di niya hinayaang mangyari ang lahat ng iyon sa akin. Biglang tumindig ang kaba sa dibdib ng abisuhan kami ni Sir na bawal kuhaan ng litrato ang o i-upload ang mga larawan ng mga Pusa sa Internet sapagkat maaari raw kaming kasuhan.

6x-b. Kaagad akong naghinala na marahil ay alam na ni Sir ang tungkol sa ginawa pero di naman pala't lumuwag ang paghinga ko. Nagpatuloy kami sa pagda-dissect ng katawan ng Pusa hanggang sa sumapit ang ikasampo. Matapos ay bumaba na kami patungong silid. Sa oras ng Zoology 2 lecture, nagkaroon lamang ng pangkatang pag-uulat. Habang may nag-uulat ay panay sa pagbuka ng bibig ang mga kamag-aral kaya ang resulta'y di sila halos marinig, ang dugo't ulo ni Ma'am Eloisa, muling nag-iinit dahil sa kaingayan. Ilang ulit ba namang pagsabihan, di pa rin tumitigil at tila walang naririnig. Kung ako lamang sa katayuan ni Ma'am ay labis din ang pagka-buwisit ko. Nakakainis at nakakaubos ng pasensiya.

6x-c. Maya-maya'y lumabas na kami't sa halip na kumain ay nagtungo ako sa Computer shop. Ilang beses ng sinubukan subalit bigo pa ring mai-save sa blog ang aking ginawang article, doon na nagsimulang makaramdam ng panlulumo subalit di pa rin nawawalan ng pag-asa. Sa sobrang abala sa pagsi-save na wala namang nangyayari, di namalayang Ala-una na't kailangan ng magtungo sa silid. Sa oras ng English, nagturo lamang si Sir Jenor at matapos ay may inanunsyo ito. Naghari bigla ang tuwa sa kalooban ng sabihing magkakaroon ng Stage play sa susunod na buwan, sa sobrang pagkasabik ay di na kami magkandamayaw.

6x-d. Sa oras naman ng Statistical Science ay sumidhi pa lalo ang tuwa sa dibdib sapagkat masisilayan muli siya. Sa halip na sa kanyang sinasabi ituon ang atensiyon kundi sa mukha niyang napaka-cute at halos malusaw na sa labis na kilig, hindi ko talaga mapigilan ang makaramdam ng ganito at nag-uumapaw pa. Matapos magturo ni Sir Jigo ay nagkaroon kami ng Seatwork. Napalitan ng inggit ang kaninang nakangiting dibdib ng makipag-usap at harutan si Sir kina Bonna. Nagseselos tuloy ako at tingin ko kay Sir, masyadong touchy sa mgagirl pagkat ganon at ganon na lamang kung makitungo sa kanila. Di pa man sumasapit ang Dismissal time ay pinalabas na niya kami't tila nabitin aki sa kanya. Gayunpaman, maligaya't makulay pa rin ang araw dahil nakita ito ng matagalan.


August 26, 2015
Wednesday

Year III-238

6x-e. Sa pagmulat ng mga mata'y langit agad ang nadarama ko't tila ang gaan-gaan ng kalooban at malabahaghari ang pakiramdam. Hindi ko mawari kung bakit ganito ang nararamdaman basta't ang sa akin ay masaya ako. Pumutok na ang liwanag sa labas ng ako'y bumangon at gawaing bahay agad ang inasikaso. Ang taas talaga ng Energy ko ngayong araw at kahit na mabibigat na gawain ay nakakayang gampanan na tila di nahahapo't sige lang sa paggalaw. Paglalaba ang sunod kong inatupag matapos ang gawaing bahay. Nakadagdag pa sa ligaya ko ang maaliwalas na panahon at kita sa kalangitan ang linis nito na tila walang nagbabantang unos. 

6x-f. Ang sarap mamuhay kung gaya ng maaliwalas na panahon ang nararamdaman at wala kang pinoproblema. Kay bait talaga ng maykapal at sa kabila na sangkatutak na ang kasalanan ay hindi niya ko pinababayaan at pinapalasap ang kaginhawaan ng buhay. Matapos maglaba't maya-maya'y naisipan muling magtungo sa Computer shop. Muntikan ng lumundag sa sobrang ligaya sapagkat sa wakas, nai-save ko na rin ang article sa blog na ilang araw ng pinoproblema't nakakabigay sakit ng ulo. Bago umuwi'y naghanap muna ng tindahan kung saan ang bilihin ng Formalin. May pagkukumahog kong hinanap iyom subalit bigong masumpungan, umuwi na lamang.Sa taas ng sikat ng araw at tindi ng init ay pawisang nakauwi ng bahay. Kahit magkanda-galos-galos na ang katawan at balde-balde ng pawis ang masayang sa dami't bigat ng gawain ay ayos lamang iyon basta't kaginhawaan naman ang matatamo sa huli.

6x-g. Medyo kumakalam na rin ang sikmura na kanina pa iniinda kung kaya't mabilis pa sa guhit ng kidlat ang pagtungo sa mesa pagkaluto ng ulam sabay banat. Kinahapunan at dahil nababagot ay tamang paglalaro't kulwit ng Android phone ang siya kong inatupag at grabe, muntik-muntikan ng maadik sa paglalaro. Sa sobrang humaling at tutok ng mata sa kakalaro'y di namalayang takip-silim na. Panonood naman ng telebisyon ang naging libangan at pampalipas oras pagkagat ng gabi. Habang sarap at tutok ng husto ang mata sa panonood, sa di inaasahang pangyayari'y biglang nagkaroon ng black-out. Sayang at di ko natapos ang programa't ang ganda pa naman ng eksena, kakabitin. Dahil sa kawalan ng kuryente'y naging mainit at malamok ang gabi namin, di tuloy makatulog ng maayos. 


August 27, 2015
Thursday

Year III-239

6x-h. Dala ng magdamagang hindi makatulog dahil sa kawalan ng kuryente, dakong ikalima na ng umaga nagising. Hirap idilat ang mata ng maigi't kusa itong pumipikit dahil namamayani pa rin ang matinding antok. Tila nakakabiting matulog at nakakatamad bumangon. Hindi ko ibig ang lumiban sa klase't mayroon kaming pagsusulit kaya  buong tiyagang nilabanan ang antok at bumangon. Mabuti na lamang at nanumbalik na ang kuryente, di na mangangapa pa sa dilim at mahihirapan sa pagkilos. Dakong ikapito na ng makaalpas ang yapak sa eskwela't habang wala pang guro'y dibdiban ng nagrepaso. Yaring sumakop ng husto ang kaba sa mga dibdib kasabay ng pagpasok ni Ma'am Ria at agarang nagsimula ang pagsusulit. Nagrepaso ako subalit wala halos maisagot at ang hirap, pilit sinasariwa kung anuman ang napag-aralan subalit nananatiling blangko ang utak, sa puntong iyon ay nanghula-hula na lamang ako, nagbabakasakaling makatsamba sa mga sagot.

6x-i. Makapasa kaya ako? Nagkaroon pa ng pangkatang pag-uulat matapos ang pagsusulit. Makalipas ang ilang sandali'y lumabas na kami. Sa halip na ilaan ang bakanteng oras upang tsumibog ay tumungo ako sa library. Maya-maya pa'y tumungo na ko sa silid. Sa halip na mamayani ang tuwa'y lalo pang umiigting ang pagkainis sapagkat walang ginawa si Clark Haven kundi asarin at pagtripan ako. Hindi ko na nga ito pinapansin pero patuloy pa rin sa ginagawa. Sa yamot, ibig ko ng pasakan ng daliri ang kanyang ibaba. Maski nasa silid na si Sir Gelo ay di niya makuhang tantanan ako. Bwisit na bwisit na talaga ako't muntikan ng ipamalas ang bangis subalit di na natuloy at tumigil naman ito. Sa oras ng Cognitive Psychology ay nanood lamang kami ng Movie.

6x-j. Matapos at di pa man dismissal time ay agad na kaming pinalabas ni Sir Gelo. Maging sa oras ng Education 6 ay nagkaroon pa rin ng pangkatang pag-uulat. Paminsan-minsang naantala ang pag-uulat dahil may naikukwento si Sir Esguerra at interesado talagang makinig sa kanya. Pagkatapos ng klase'y tumungo na kami sa Athletic Center. Sa oras ng PE at dahil may nagaganap na Sport fest ay nanood lamang kami ng laban ng Volleyball. Hindi maiwasang humiyaw sa oras na nakakalamang o nananalo ang pambato't halos ikapunit na ng lalamunan. Kahit nakaupo lamang at parang tanga kung makasigaw ay nakakaaliw pa rin. Gawa na kating-kati ng umuwi, di ko na natapos pang panoorin ang tournament.

6x-k. Habang lulan ng bus ay laking gulat ko na lamang ng may sumakay na magsing-irog at nadukutan raw ito ng selepono ang lalaki. Mabuti na lamang at sa bag ko nailagay ang Cellphone hindi sa bulsa't kung nagkataon ay baka isa ako sa maging biktima ng pandurukot. Balisang-balisa ang pasahero habang hinahanap ang Cellphone at mangiyak-ngiyak na rin. Sa panahon ngayon na tumataas na ang insidente ng dukutan ay kailangan na talaga ng ibayong pag-iingat. Pagdating sa bahay at pagkalapag ng gamit ay kaagad ko ng tinurukan ng Formalin ang bitbit na pusa't masuka-suka't mahilo-hilo na sa amoy niyon. Mabuti't kinaya ko pa. Hindi bale't lilipas din iyan, kaya kaunting tiis. Pagsapit ng gabi, panonood muli ng telebisyon ang inatupag ko. Ang tindi talaga ni Claudia at kakainis sapagkat walang awa niyang inaalila si Yna. Kung ako lang sa katayuan ni Yna, malamang ay nasabunutan ko na ang bruhang 'yon, nakakapanggigil. Matapos manood ng telebisyon at gawa na maaga pa magigising, daglian ng natulog.


August 28, 2015
Friday
Year III-240

6x-l. Nagbabadya ng lumiwanag sa labas ng ako'y magising. Kahit medyo inaantok at hinihikab pa ng lagay ay kailangan ng bumangon at mag-almusal. Kay hirap kumilos kapag umiiral ang antok subalit kailanga itong pigilan. Malapit ng mag-ikawalo ng makarating sa eskwela't nadatnang nasa labas ng laboratoryo ang mga kamag-aral. Nakasara pala kaya di kami makapasok-pasok. Sa isip-isip namin, mukhang di na matutuloy ang dissection sapagkat lahat ng laboratoryo'y nakasara't walang magamit. Saka lamang kami nakapasok ng dumating si Sir Patrick. Patay at di namin nalagyan ng label ang mga Pin na itatarak sa katawan ng pusa. Habang abala sa paghihimay at hiwa ng muscle si Sarah ay ako naman itong taga-gawa ng label. Di naging madali sa akin ang gumawa niyon sapagkat napakadigkit ng scatch tape na siyang magsisilbing label ng pin at gumugusot ito kapag tinutupi sa may uluhan ng pin. Natapos ko naman ito kaagad at ibinigay kay Sarah.

6x-m. Marami siyang ipinag-utos sa akin at makailang ulit ng akyat-baba, kakapagod. Sa totoo lamang ay tila sinosolo niya ang gawain at di na kailangan ang tulong ko. Magkatuwang kami at dapat ay nagtutulungan, di iyong inaako niya. Pakiramdam ko tuloy, walang kwentang ka-partner at bumababa ang tingin sa sarili. Hinayaan ko na lamang ito sa kanyang ginagaw pero ng makitang di pa niya nailalagay ang mga pin samantalang marami na sa kamag-aral ang nakapagpa-check, doon na dumating sa puntong gusto ko ng magalit pero pinigilan ko. Masyado kasing nagmamarunong kaya iyan, mukhang matatapos ang oras na di pa kami nakakapag-check. Mabuti na lamang at nandoon si Joyce na tinutulungan kami, kaya nahabol pa ang oras sa pagpapa-check.

6x-n. Matapos ang dissection, tumungo na kami sa silid. Sa oras ng Zoology 2, patuloy pa rin ang pangkatang pag-uulat. Gulat lamang ako ng may isang kamag-aral ang biglang nag-palpitate dahil sa tindi ng kaba habang nag-uulat, bukod pa roon ay mamula-mula siya't walang humpay sa pag-iyak. Ilang ulit ng kinakabahan sa tuwing haharap sa maraming kamag-aral pero di pa naman nangyari sa akin na siya namang ipinagpapasalamat. Matapos ay breaktime na. Dahil magkakaroon pala ng Recitation sa Statistical Science at hindi ko naman ibig ang mapahiya kay Sir Jigo, tumungo ako sa library at dibdibang nagrepaso. Kahit sumasakit na ang ulo't inaantok na sa kakaintindi'y nagpatuloy pa rin sa pagrerepaso't di nagawang umayaw. Maya-maya, biglang dumating si John Ray. Laking pasalamat ko sa kanya ng turuan niya at kahit paano'y nakukuha ko na. Sa sarap ng aming huntahan, di namalayang English time na't kailangan ko ng umalis.

6x-o. Pagkatungo sa silid, di ko nadatnan si Sir Jenor at kakaunti lamang ang kamag-aral na naroroon, di ko mabatid kung anong mayroon. Ilang sandali ang lumipas ay biglang inanunsyo ni Ciole na wala kaming klase sa English dahil magkakaroon daw ng Alumni Symposium. Matapos ay tumungo na kami sa Auditorium. Saktong nagsisimula na ang Symposium pagkatungo roon. Nakakabato't di rin nagugustuhan ang mga talumpati niya, kaya di na ko nagtagal pa't agaran ng bumaba. Pagkabalik sa silid, nabulaga ako ng mabalitaang nagalit raw si Sir Jigo dahil nahuli niya ang ilan kong kamag-aral na bumababa't nagtatangkang umuwi. Habang kausap sila't sa di kalayuan mula sa ikalawang palapag ay dinig at kita ko kung paano magalit si Sir at nangliliyab ito, nasindak tuloy kami at nagsipasok. Hindi ko akalain na masama pala magalit si Sir Jigo at nakakanginig but I'm still like him.

6x-p. Ang ilan kong kamag-aral maging ako, kating-kati ng umuwi ngunit di magawa dahil bantay sarado kay Sir, kanya-kanyang isip ng paraan kung paano makakatakas. Pagkaakyat namin sa Quadrangle, saktong naroroon si Sir Jigo subalit ito'y nakatalikod at may kausap. Gayunpaman ay walang nagkaroon ng lakas ng loob na pumuslit, tumungo na lamang sila sa Library. Nang ako'y maiwan at habang minamatyagan ay nakaw-tingin ako sa kanya't di mapigilang masdan siya. Tingin ko'y lalo siyang gumagwapo kapag nagagalit at ang mga ngiti'y kayang pakiligin ang malabatong Puso. Ayaw kong ma-turn-off ito sa akin kapag nahuling pumupuslit kaya di makakilos-kilos. Gusto ko na talagang umuwi subalit nandiyan siya. Nakauwi lamang ako sa tulong ni Ma'am Trisha  at laking pasalamat sa kanya. Pagkauwi'y nanatili pa rin ang galak sa dibdib at di siya mawala-wala sa isipan. Di ko mabatid kung bakit nagkakaganito sa kanya't baliw na baliw na mahirap maipaliwanag. 


August 29, 2015
Saturday
Year III-241

6x-q. Hindi pa rin matanggal sa isipan ko ang nagdaang kahapon na siyang nagbibigay kulay at saya sa umaga ko. Kahit tipong inaantok pa'y nagawa pa ring bumangon ng maaga't may kasiglahan sa dibdib akong pumasok. Wala pa si Ma'am Ria pagkarating sa eskwela, kaya ang resulta'y dinaig pa ang sitwasyon sa Divisoria ang loob ng silid sa ingay. Gawa na di pa nakapag-almusal, kumain muna ako. Saktong nasa silid na si Ma'am Ria pagkabalik ko't tuloy pa rin ang pangkatang pag-uulat. Ng matapos ang oras, tumungo ako sa Registrar upang kumuha ng permit. Napanganga ako ng maigi ng makita ang pila at ito'y napakahaba subalit pila pala iyon para sa bayaran ng pangmatrikula. Hindi naman gasinong mahaba ang pila sa kuhaan ng Permit kaya kaagad na nakakuha. Nang ako'y palabas ng gate ay saktong nakasalubong sina Joan.

6x-r. May magaganap palang Concert ng mga Student for Christ at gawa na wala kaming klase sa Cognitive Psychology dahil excuse na, sumama na ko sa kanila. Saktong di pa nagsisimula ang programa pagkarating namin sa Auditorium subalit siksikan na at halos wala ng maupuan sa dami ng mga nagsipagdalo. Ilang sandali pa'y nagsimula na ang Concert na pinangunahan nina Sir Esguerra at Ma'am Agnes. Puro tungkol sa papuri sa Diyos ang tema ng kanilang Concert at gumagaan ang loob ko habang inaawit ang awiting makalangit. Matapos ang Concert ay umakyat ang isang Pastor at nagkwento. Maraming kapupulutang aral ang mga sinabi niya't hinihikayat kaming mga kabataan na ilapit ang loob sa Panginoon.

6x-s. Tila dumalo lamang ako sa isangYouth Fellowship bible study at naalala ko tuloy ang mga kasamahan sa Christian community, kamusta na kaya sila ngayon? Medyo matagal na ring di nakakadalo sa Sunday mass at marahil ay marami na ang nagbago. Matapos magtalumpati ng Pastor ay umakyat naman ang isang kasapi ng Student For Christ at nagpakitang gilas. Napahiyaw at palakpakan ang lahat ng manonood ng ipakita ang kanyang mga Magic Trick. Ang husay at labis kaming nawili sa kanya. Sa liksi ng pagkilos ng mga kamay ay hirap bistuhin kung ano angbehind the scence sa kanyang magic. Tumagal ang programa hanggang sa sumapit ang Alas-dose't isa ang araw na ito sa di malilimutan sapagkat bukod sa may natutuhan ay napasaya't bilib kami.

6x-t.  Tumungo pa kami sa silid at hinintay si Sir Esguerra upang kuhain ang Reviewer. Pagkakuha'y kaagad na kong lumabas subalit di agad nakaalis sapagkat hinintay pa sina Joan. Habang nasa biyahe'y tamang kwentuhan lamang kami ni Joan at masaya ako dahil lahat ng nasa loob at isipan ay nailalabas ko sa kanya. Pakiramdam ko kasi, bibihira na lamang ang mga taong makikinig at makakaintindi sa akin at sana'y di ako nagkamali sa pagkilala kay Joan. Pagkababa'y saktong naabutan ng malakas na ulan, di pa naman nakapagdala ng payong kaya nagpatila muna. Mistulang basang sisiw pagdating ng bahay at mukhang sisipunin ako. Pagsapit ng gabi, bukod sa makabagbag-damdamin ay nakakabigay din ng inspirasyon ang nasubaybayang kwento sa MMK. Sa kabila na namuhay siyang hikahos sa buhay at puro mabibigat na suliranin ang dumaraan ay di pa rin itong sumukong abutin ang pangarap. Sa huli, nakamtan niya ang pangarap na matagal ng minimithi. Sana maging gaya ko't mga kabataan na nawawalan na ng pag-asa ang naging kapalaran niya. Matapos at sa halip na matulog ay nagrepaso muna ako. Balak sanang magpuyat sa pagrerepaso subalit di na nagawa pa sapagkat inaantok na.


August 30, 2015
Sunday
Year III-242

6x-u. Sumapit muli ang araw ng Linggo't gawa na walang pasok, dakong ikapito na nagising at may kasiglahan sa dibdib na bumangon. Di ko mabatid kung bakit ganito ang nararanasan ko at pakiwaring ang gaan-gaan ng nasa loob. Sa sigla na kanina pang nararanasa'y tila makakayang gampanan ang lahat ng gawain kahit gaano pa ito kabigat. Ang luwag at tila nasa langit ako. Sana parating ganito ang nararamdaman ko, ng sa ganon ay magawa ang lahat ng ibig gawin at di napanghihinaan ng loob. Matapos mag-almusal at dahil nalalapit na ang aming Midterm exam, agaran na kong nagrepaso. Statistical Science ang una kong nirepaso at sa kagustuhang makatamo ng magandang marka't mapuri ni Sir, di man ito biro ay dibdiban pa ring nagrepaso.

6x-v.  Iba talaga ang pakiramdam kapag inspire ka't determinado akong makapasa't maging highest sa pagsusulit. Kapag nangyari iyon, paniguradong pupurihin talaga ni Sir Jigo't masaya iyon sa pakiramdam, subalit ayaw kong umasa ng labis at baka masaktan. Hanggang ngayon, walang oras na di ko siya naiisip at parang lintang mahirap alisin. Maging puso ko'y di napapagod sa pagpintig at pasidhi pa nga ng pasidhi. Mukhang tinamaan na marahil sa kanya sapagkat kakaiba na ang nararamdaman at di makukumpleto ang araw kapag di siya nakikita. Dahil inspired at inlove sa kanya, lalo pa kong ginanahan sa pag-aaral. Paano naman ako makakatamo ng mataas, kung sa mga lesson pa nga lang niya, nahihirapan na't sumasakit lamang ang ulo sa kakaintindi. Pansamantala kong itinigil ang pagrerepaso ng tanghalian na. Ng malamnan ang sikmura't makalikom ng lakas, ipinapagpatuloy ko ang pagrerepaso.

6x-w. Balak sanang gugulin ang mga oras sa pagbabalik aral subalit biglang namayani ang antok, tumulog muna ako. Sa sarap ng tulog ko, dakong ikatlo na ng hapon nagising at kaagad na nagrepaso. Dami talagang hadlang sa pag-aaral ko sapagkat bago sumapit ang gabi'y bumuhos naman ang ulan na sinabayan pa ng pagkulog at pagkidlat. Sa takot ay itinigil ko muna ang pagrerepaso't nagtago sa kwarto. Sa lakas ng buhos ng ulan ay marami ang nagsiliguan. Isang oras ding bumuhos ang malakas na ulan, kaya ang resulta'y muntikan ng umapaw ang Sapa. Saka ko lamang ipinagpatuloy ang pagrerepaso pagsapit ng gabi't matapos maghapunan. Sa sobrang abala sa pagsusunog kilay, di namalayang maghahating-gabi na. Namumugto na ang mga mata sa antok kaya kinailangan ko ng matulog. Kapag ang napag-aralan namin ay kinakabisado ko, mahirap ipasok sa isipan at agarang nawawaglit, pero kapag siya na di ko naman kinakabisado, di mabura-bura't patuloy na naaalala.


August 31, 2015
Monday 

(National Heroes day)
Year III-243

6x-x. Wala muling pasok, mapa-eskwela man o opisina dahil holiday nanaman upang gunitain ang ating mga bayani na buong tapang na ipinaglaban ang ating bayan mula sa mga mananakop at di matatawaran ang kagitingang kanilang ipinakita. Kung wala sila'y marahil ay hawak pa rin ng mga Kastila ang bansang Pilipinas at patuloy na nagdurusa mula sa pang-aalila. Mapalad kaming mga kabataan dahil di namuhay sa ganong henerasyon at iyon ay kasaysayan na lamang sa amin na kahit ngayon ay di pa rin nababaon sa limot. Salamat sa matalino't makapal na aklat ngunit mamahalin sapagkat siya ang nagpabatid sa akin tungkol sa kasaysayan ng bansang Pilipinas at sa lahat ng naging guro na nagpaunawa sa akin. Pag-uusap nila Mama at Papa na mukhang mahalaga marahil ang gumising sa akin.

6x-y. Alas-sais pa lamang at gawa na nawala na ang antok ay di na nagpatumpik-tumpik pa sa pagbangon. Matapos kong mag-almusal ay namalantsa ako. Sa dami ng pinalantsang uniporme na halos ikagaktak na ng pawis, inabot na ng lagpas isang oras. Sunod kong inatupag ang paglalaba't mukhang nakikisama ang panahon sa akin. Maya-maya pa, tanghalian na't gawa na di na matiis ang pagkalam ng sikmura ay daglian akong kumain. Nang malamnan ang tiyan, sinimulan ko ng magrepaso. Pilit man isinusuksok sa utak ang binabasa subalit nakakaligtaan pa rin. Kung parating ganito'y mukhang mangangamote ako sa pagsusulit. Sana'y kayanin ko't magkaroon nawa ng katalinuhan upang masagutan ng tama ang lahat na mga nakaatang na katanungan. Huwag sanang ma-mental block.

6x-z. Dahil inspired kay Crush, walang ibang inatupag sa maghapon kundi magrepaso, halos mangalay na ang kamay sa dami ng sinusulat at sumakit ang ulo sa dami ng ipinapasok na detalye. Bago pa man magdilim ang kapaligiran, pansamatalang itinigil ang pagrerepaso upang bigyan ng oras ang pagtuturok ng Formalin sa Pusa. Sumasakit na nga ang ulo ko sa dami ng kinakabisado, nakadagdag pa ang Formalin sa pasakit, magkahalong hilo at sakit ng ulo tuloy ang naranasan ko, mabuti't nagawa pang kayanin. Pagsapit ng gabi at matapos manood ng telebisyon at sa kagustuhan talagang makakuha ng magandang marka'y todo dasal ako kay God. Siya na ang bahala sa aking kakaharapin at huwag hayaang madapa.