July
01, 2015
Wednesday
Year III-182
Wednesday
Year III-182
6p-h. Malakas na
pag-uusap nila Mama at Papa ang gumising sa akin. Pagkatingin sa Cellphone,
Alas-singko pa lamang pala. Gawa na nawala na ang antok kung kaya bumangon na
kaagad. Naging masigla muli ang umaga ko at animoy ang ginha-ginhawa ng nasa
kalooban. Nang makaligpit at makapaghugas ay sinimulan ko ng gawin ang
takdang-aralin sa Cognitive Psychology. Pagguhit ng parte ng utak
ang assignment kung kaya di biro sa akin ang gawin iyon. Kung
pinagkalooban lamang ako ng kakayahan sa pagdo-drawing ay malamang
sisiw lamang iyon at di madudumihan ang papel sa kakabura, kaso wala at madalas
ay nagkakamali sa pagguhit. Kahit medyo nahihirapan ay di ako sumuko at
nagpatuloy pa rin sa pagguhit, natapos naman ito kinalaunan. Natutuwa ako
sapagkat nakaraos din sa bagay na kinaayawang gawin, ang mag-drawing.
Wala ng iba pang takdang-aralin at gawa na ako'y batong-bato, naisipan muling
magbantay sa tindahan.
6p-i. Habang
aligaga ako sa pag-aasikaso ng mamimili't pagkapitas ng isang sachet ng Shampoo ay
aksidenteng napunit ko ang karugtong pa nitong sachet. Di lang isa kundi
tatlo ang napunit na sachet at daming Shampoo ang
naaksaya. Tarantang-taranta ako ng panahong iyon at di na alam ang uunahin kung
ang Shampoo bang natulo o ang kostumer na inip na sa
kakahintay. Nasaksihan iyon ni ina ang tungkol sa pagkasira ng Sachet kaya
sa muling pagkakataon ay pumutak ito. Maanghang ang binibitiwan niyang salita
at sa tindi ng galit, mukhang di niya ko mapapatawad. Sa halip na sagutin ako
nanahimik na lamang sa isang sulok at hindi ko siya masisisi kung gayon ang
maging reaksyon. Ang tanga ko talaga't bakit di naisipang gumamit ng gunting
habang pinipilas ang sachet. Dahil sa napunit na sachet ay
di kami muling magkasundo ni ina.
6p-j. Huminto naman
sa pagbuda si ina kinalaunan pero ang pagkadismaya ay patuloy pa ring umiiral
sa dibdib at halos murahin na ng husto ang sarili. Nawalan na tuloy ng gana sa
pagkain at itinulog na lamang ang pagkadismaya pagkatapos kumain. Di ko batid
sa sarili kung bakit sa bawat kinikilos ko ay parating may kaakibat na
kapalpakan. Sa takaw ko matulog, malapit ng mag-ikaapat ng ako'y magising. Tila
bulang naglaho ang aking nararamdaman pagkamulat at ang sigla-sigla ko muli.
Pagsapit ng gabi, panonood muli ng telebisyon ang siyang inatupag. Napaluha ako
sa napanood na eksena sa Nathaniel ng muling magkita ang mag-ina
matapos ang mahabang panahon. Hanga ako sa katatagang ipinakita nila sapagkat
kahit sa palagay nilang malabo na magkitang muli ay di pa rin nawalan ng
pag-asa at nagpatuloy sa paghahanap. Patunay ngang walang magulang na kayang
tiisin ang anak at gagawin ang lahat, maging maginhawa lamang ang buhay nito.
Maaga muling magigising kinabukasan, kaya matapos manood ay kaagad ng natulog.
July 02, 2015
Thursday
Year III-183
6p-k. Malakas na
buhos ng ulan ang bumasag sa mahimbing kong pagtulog. Pagkatingin sa orasan,
Ala-una pa lamang. Gawa na napawi na ang antok, di na muling nakatulog pa.
Sadyang kay lakas talaga ng buhos ng ulan at mukhang babaha na. Bukod sa
malakas ang ulan ay sinabayan pa ng pagkulog at pagkidlat. Lalo pa tuloy ako di
nakatulog dahil sa takot. Dakong ikatlo na ng madaling araw ng tumila ang ulan.
Mabuti ang tumila at kung nagkataong hindi, malamang ay baha ang sasalubong sa
paggising sa umaga. Saka lamang nakatulog pagkatila ng ulan at dahil malapit ng
magbukangliwayway, nagpasya na lamang ako na pumasok sa Ikalawang Period sapagkat
ibig kong bawiin ang nasayang na oras sa pagtulog. Sumapit ang ikapito ng umaga ng ako'y
magising at kahit malabagyo na ang lakas ng ulan kaninang madaling araw ay
nagpakita pa rin ang haring araw.
6p-l. Dahil breaktime na
ng makarating sa Unibersidad, sa halip na dumeretso sa silid ay tumungo muna
ako sa Computer Shop at nag-research ng Assignment.
Matapos ay tumungo pa sa library at doon sinamantala ang
bakanteng oras upang tapusin ang takdang-aralin. Makalipas ang isang oras,
tumungo na ko sa silid. Wala pa nun si Sir Gelo ng
datnan ko't matinding lamig agad ang humaplos sa buo kong katawan. Lumipas ang
ilang saglit ay pumasok na si Sir Gelo at ito'y nagturo
lamang. Matapos magturo ay biglaan kaming nagkaroon ng pagsusulit. Laking tuwa
namin sapagkat open notes subalit di pa rin pinalad na maka-perfect o
makakuha man lang ng mataas na marka. May darating pa namang pagsusulit sa
susunod na pagkikita at doon ako babawi.
6p-m. Matapos ay
lumipat na kami ng ibang silid. Nakakalibang talagang makinig kapag si Sir
Esguerra ang nagtuturo at dami niyang kwento na pawang masasaya ang
naibahagi sa amin. Kaso may ilang bahagi lamang sa kanyang kwento ang lubhang
kinilabutan ako't tila hirap paniwalaan. Maaga niya kaming pinalabas at kaagad
na tumungo sa Athletic Center at kanya-kanyang palit ng
uniporme. Kanina pa humihilab sa kalam ang sikmura ko kaya habang di pa
dumarating si Ma'am Darvy ay dali-dali akong tsumibog.
Maya-maya'y dumating na si Ma'am. Naging masaya pa rin ang oras namin sa PE sapagkat
naglaro muli at iyon ay Word Factory. Para rin itong Scrabble subalit
sa halip na bumuo ka ng mga salita ay maghahanap sa mga naka-jumble na
letra ng salita.
6p-n. Hindi naging
madali sa akin ang maghanap ng mga salita at halos ikaduling na. Idagdag pa
ang time limit kaya labis kaming natsa-challenge sa
laro. Kahit napapagod na ang mata sa kakahanap, nakakaaliw pa rin ang laro at
sa labis na humaling, wala kaming kamalay-malay na dalawang oras ng naglalaro
ng Word Factory. Kung parating ganoon ang iginugugol sa PE,
sana ay gawin ng araw-araw upang maging bongga ang saya bilang buhay kolehiyo.
Ilang sandali pa, uwian na. Diretso kulwit agad ng cellphone ang
inatupag pagdating ng bahay at di na halos maawat ang mata. Pagsapit ng gabi,
naging napakaalinsangan ng panahon at sa tindi ng init ay di sapat na nakatutok
lamang ang bentilador upang maibsan ang init, hindi tuloy makatulog. Hiling ko
lang na umulan muli upang mapawi ang init.
July 03, 2015
Friday
Year III-184
6p-o. Unti-unti ng
namamayani ang liwanag ng ako'y magising. Tila kasing kulay ng bahaghari ang
umaga ko at pakiramdam na nasa langit. Di ko mabatid kung bakit ganito ang
pakiramdam. Biglang nagbago ang pakiramdam ko habang nasa biyahe't sobrang
trapik. Kahit inagahan ko sa pag-alis ay mukhang mahuhuli pa rin sapagkat usad
pagong ang andar ng mga sasakyan at kairita. Ilang galaw na lang bago
mag-ikawalo ng makarating ako sa Eskwela't saktong wala pa roon si Sir
Patrick. Sinamantala namin ang pagkakataon na walang guro sa paggawa
ng Assignment. Di ko lamang maiwasang mainis sa mga kamag-aral
pagkat ang iingay nila't tila bata kung mag-arung-ungan. Halos isang oras na
ang nakakaraan subalit di pumapasok si Sir Patrick. Mukhang Malabo
na itong makapasok at napapaisip na kami kung lalabas na ba. Nagbakasakali pa
kami kung makakarating pa ito subalit makalipas muli ang isang oras, nagpasya
ng lumabas. Magkakasama kaming tumungo sa Canteenat kumain.
6p-p. Tamang
kwentuhan lamang habang kumakain at halos di na maubos ang kinakain dahil
nakatuon ang atensiyon sa pakikinig.
Maya-maya at dahil nag-aya si Ella na magsimba kami,
tumungo kami sa Auditorium. Umaawit na sila ng datnan namin at sayang,
di na naabutan pa ang homily ng pari. Makalipas ang ilang
buwan ay ngayon lamang ako nakapagsimba. Sumaglit lamang kami at kaagad na
umalis. Dahil magkakaroon ng pagsusulit sa Zoology 2, habang wala
pa si Ma'am Eloisa ay nagrepaso muna kami. Ano bang klaseng
utak ang mayroon ako na kahit dibdiban ng kinakabisado ay wala pa ring
pumapasok. Balikan sa kanya-kanyang upuan pagkapasok ni Ma'am Eloisa.
Todo pakiusap kami na huwag ituloy ang pagsusulit sapagkat wala pa halos
narerepaso.
6p-q. Sa mukha pa
lang ni Ma'am Eloisa ay tila buo na ang desisyon subalit
napakiusapan naman ito kinalaunan. Ang bait talaga sa amin ni Ma'am
Eloisa at wala siyang katulad. Kahit di padismissal time ay
lumabas na kami at tumungo sa library. Makalipas ang higit sa
dalawang oras ng bumalik na kami ng silid. Nadatnan naming nasa labas ang halos
lahat sa kamag-aral ni Gelo. Mayroon pala silang pagsusulit kaya di
kami kaagad na pumasok. Lagpas na sa itinakdang oras ng pagsisimula ng aming
klase, di pa sila lumalabas at nakakainip. Kaya pala at si Ma'am Ria kasi
ang guro nila. Nakapasok naman kami kinalaunan. Lundagan kami sa tuwa ng
si Sir Jenor pa rin ang guro sa English at bago pa
man ito magklase, inutusan niya kong magpa-zerox. Sa dami ng dapat ipa-zerox,
nagtalaga si Sir ng makakasama ko.
6p-r. Parang
nakakita ng ipis kung magsitilian ang mga kamag-aral ng si Fred ang
piliin ni Sir Jenorat sumidhi ito ng bigla niya kong tapikin sa
likod. Nag-uumapaw talaga sa kagwapuhan si Fred at ang puti
pa, kaso'y walang makitang spark sa kanya at kung sakali man
lumapit ang loob namin, hanggang kaibigan lang ang tingin ko sa kanya. Halos
masiraan na ko ng bait sa dami ng ipinapa-zerox at ilang ulit na kaming
nagpabalik-balik. Sobrang na-stress ako ng mga oras na iyon at
idagdag pa ang pagkakaroon namin ng pagsusulit. Natapos na ang oras ng English subalit
di pa napapa-zerox lahat.
6p-s. Kinailangan
na tuloy namin unahing ipamudmod sa mga irregular na kamag-aral
ang hard copy sapagkat paalis na ang mga ito. Nagtuturo na nun
si Sir Jigo pagkabalik ko sa silid at halos magkandakuba na sa
bigat ng dalang Zerox Copy. Maya-maya'y nagkaroon kami ng Activity.
Mabuti na lamang at sisiw ito kung kaya agad kong natapos. Matapos ay bigla
akong tinawag ni Sir Jigo upang sumagot sa pisara. Di ako sigurado
sa sagot kaya di maiwasang kabahan. Napawi ang kaba sa dibdib ng kumpirmahing
tama ang sagot at tumaba ng husto ang puso ko ng ako’y purihin ni Sir
Jigo, nakakakilig. Ilang saglit pa, uwian na. Naging matrapik pa rin
sa lansangan kaya halos gabihin sa pag-uwi. Kinagabihan at dahil sumasama na
rin ang pakiramdam, kaagad akong natulog matapos manood ng telebisyon.
July 04, 2015
Saturday
Year III-185
6p-t. Malakas na
buhos muli ng ulan ang siyang sumira sa masarap kong pagtulog kinamadaling
araw. Pagkatingin sa orasan, Alas-singko pasado na pala't agarang nag-almusal.
Bukod sa malakas ang ulan sa labas ay masungit pa rin ang pakiramdam ko. Sa
kagustuhang may bagong kaalamang matutuhan ay nagawa ko pa ring pumasok.
Pagdating sa eskwela at dahil magkakaroon pala ng maikling pagsusulit sa Theories
of Personality, sinamantala ko ang oras na wala si Ma'am Ria sa
pagrerepaso. Hindi naman makapag-aral ng maigi sapagkat nuknukan sa ingay ang
buong silid. Hiyawan kaming lahat sa takot pagkaalpas ni Ma'am Ria ng
silid at nagsimula na nga ang pagsusulit. Walang gaanong nakaimbak sa isipan
kaya mangamo-ngamote ako ng labis sa pagsagot. Goodluck na
lamang sa magiging resulta ng pagsusulit. Matapos ay lumabas na kami. Sa halip
na ilaan ang oras na ito upang maglakwatsa, nagrepaso ako sa Cognitive
Psychology.
6p-u. Sa Discussion
area namin napiling magrepaso, kaasar lang dahil pilit man ibinabaon sa
isipan ang inaaral, nawawalang parang bula. Idagdag pa ang ingay ng mga
kasamahan kaya lalo pa di makapagrepaso ng maayos. Nang hindi ko na
mapagtiyagaan ang ingay, lumipat ako ng library at doon
ipinagpatuloy ang pagrerepaso. Masarap pa lang mag-aral kung tahimik ang
nakapaligid sa'yo at walang bagay na nagpapabagabag. Maya-maya pa, tumungo na
kami ng silid. Sige lamang kami sa pagrerepaso habang wala pa si Sir
Gelo. Sumidhi ang kaba sa kanya-kanyang dibdib pagdating ng yapak ng
aming Professor. Binigyan pa kami ng ilang minuto upang magrepaso
at makalipas ang ilang saglit, nagsimula na ang pagsusulit.
6p-v. Hindi naging
madali ang pagsusulit sapagkat iguguhit namin ang utak sa pamamagitan ng
imahinasyon at lalagyan pa ng label. Kahit di mukhang utak ang aking drawing,
mabuti na lamang at kabisado ko ang parts nito. Sa bait ni Sir
Gelo, biglang nauwi sa open notes ang aming pagsusulit
subalit napakaikli ng ibinigay na oras upang hanapin ang mga sagot. Matapos ay
lumipat na kami ng ibang silid. Sa oras ng Education 6, nagturo lamang
si Sir Esguerra. Maya-maya ay nagkaroon kami ng recitation.
Mabuti na lamang at di ako natawag. May bagay nanaman akong natutuhan mula
kay Sir Esguerra. Ilang saglit pa, uwian na. Pagsapit ng gabi at
dahil may pinag-usapan kami ni Pastor Rey, nagtungo ako sa bahay
nila upang ipabatid na payag na kong sumama sa kanilang pagsamba. Tila
nabawasan ang aking pagkasabik ng sabihin niya na di makakasama si Ate
Let at kaming dalawa lamang ang makakapunta sa pagsamba. Gayunpaman ay
di pa rin nagbabago ang balak ko at nakakahiya naman kung babawiin ang pangako
sa kanya. Sino-sino kaya muli ang makikilala at makakasalamuha ko kapag
nagsimba sa kanilang kapilya? Sa sabik, kaagad akong natulog matapos manood ng
telebisyon.
July 05, 2015
Sunday
Year III-186
6p-w. Maliwa-liwanag
na sa labas ng magkamalay ang katawang lupa't bumangon. Tila may nagbago sa
loob ko sapagkat tinatamad naman na sumama sa kanilang pagsamba. Kahit
tinatamad ay di naman iyon naging hadlang upang di ituloy ang aking balakin.
Pagkagising ay kaagad na kong kumain at nagbihis. Dakong ikawalo na ng umalis
kami ni Pastor Rey. Sayang nga lamang at di talaga makakasama
si Ate Let, di ko tuloy maiwasang malumbay. Panay ang pangaral niya
sa akin tungkol sa Bibliya habang nasa biyahe at parang nahihiwagaan ako kapag
kaharap siya. Ilang saglit pa ng makarating kami sa Simbahan na kanyang
sinasabi. Kasing init ng nagbabagang uling ang pagtanggap ng kanyang mga
kapatiran sa akin pagkapasok doon. Maihahalintulad ito sa relihiyon nila Pastora Anna sapagkat
kahawig nito ang paraan ng kanilang pagsamba, subalit di hamak na mas malaki
ang kapilya nila kung ikukumpara sa kapilya nila Pastora Anna, tila
naalala ko tuloy sila dahil dun lalo na ng awitin ang mga Worship song.
6p-x. Sa halip na
ako'y naaliw sa pag-awit at indak ay nakakasuya sa pandinig ang kanilang tugtog
at ibig pasakan ng bulak ang teynga upang di marindi. Kung ako ang tatanungin
ay may gusto ko pang magsamba sa kapilya nina Pastora Anna. Matapos
ay bible study na at tungkol sa pagpapakumbaba ang itinuro ng
Pastor. Medyo nailang
lamang sa mga kasamahan dahil ako ang bukod tanging may dalang bible samantalang pocket
notebook ang hawak nila at isinusulat ang lahat ng itinuturo ng
Pastor. Nakakapanibago lang ang sistema ng kanilang bible study at
mukhang mahihirapan akong makapag-adjust.
6p-y. Matapos ay
pinapunta ang lahat ng baguhan kabilang ako sa harapan at kami ay dinasalan.
Habang nagsasalita ang Pastor ay naramdaman kong tila gumagaan ang kalooban at
nahuhugasan ang kasalanan. Malapit ng magtanghaling tapat ng matapos ang Mass.
Bago pa man umuwi, kumain muna kami ni Pastor Rey. Sadyang kay buti
niya sa akin pagkat siya na nga ang sumagot sa pamasahe, maging sa pangkain ay
siya din at di man lang ako nakapaglabas ng pera. Hindi ko pa talaga ibig umuwi
at nagpaalam kay Pastor Rey na may pupuntahan pa. Pumayag
naman ito subalit mukhang nagdududa ito sa akin kaya ito naging matanong. Sa
kagustuhan talagang matuloy ang balakin, nagawa ko ng magsinungaling. Batid
kong mali ito subalit iyon lamang ang tanging paraan na naisip ko at patawarin
niya sana ako at ng Panginoon.
6p-z. Labis na
binagabag ang konsensiya ko sa nagawa pero di na iyon maibabalik pa. Sa bahay
nina Tita Cleo ko naisipang magtungo at sa kanila na rin
nananghalian. Ang mga pinsan ko naman, abala sa pagkulwit ng kanya-kanyang
mga gadget at tila walang kasawa-sawa ang mata. Ni hindi ko na
nga sila makausap ng maigi pagkat masyadong tutok ang mata sa mga gadget.
Habang kausap ang Tita ay dami niyang pahirit na jokes sa akin
kaya tawa kami ng tawa. Nang una, nahihiya akong makipag-usap kay Tita
Cleo dahil tingin ko'y masyado itong sensitibo, pero di pala't masaya
itong kahuntahan.
6q-a. Dahil dun
kaya nawalan na ko ng hiyang makipagbiruan sa kanya. Hinintay ko munang
dumating ang Tita Susan bago umalis. Maya-maya'y dumating na
ang Tita Susan. Parang tagal na ng panahon na di kami nagkita sa
haba ng kwentuhan at sa sarap, di namalayang magtatakip-silim na. Medyo
sumusungit na ang lagay ng panahon dahil sa Bagyong Egay kung
kaya nagpasya ng magpaalam sa kanila. Maliban sa ulan ay umiihip din ang hangin
kaya halos mabasa na habang naglalakad. Hindi naman pahirapan sa akin ang
bumiyahe at kaagad na nakarating sa bahay. Naging maulan ang gabi na siyang
nagbigay ginhawa at lamig sa aming pagtulog, iyon nga lang ay di maiwasang
mangamba na baka bumaha kapag nagpatuloy ito.
July 06, 2015
Monday
Year III-187
6q-b. Dahil wala pa
ring pasok, dakong ikapito na ng magising. Hindi pa rin kagandahan ang panahon
at tila nagluluksa ang kalangitan sa dilim nito. Marahil ay epekto muli
ng Hanging Habagat na pinalalakas ng Bagyong
Egay kaya malimit na ang mga pag-ulan. Balak ko sanang maglaba, kaso
di na itinuloy dahil panay ang pag-ulan, gawaing bahay na lamang ang inatupag
ko. Naging napakalakas talaga ng buhos ng ulan hanggang sa sumapit ang
tanghaling tapat. Ang resulta ay baha nanaman sa Sitio Ison Site at
di na madaanan. Panahon nanaman ng tag-ulan at kailangan muli ng ibayong
pag-iingat sa baha. Matapos ang tanghaling tapat ay naging pabugso-bugso na
lamang ang ulan.
6q-c. Hindi naman
makalabas dahil sa masungit na panahon. Upang di lalong lamunin ng pagkabato,
paglalaro ng Android phone ang inatupag ko sa maghapon. Dahil
sa malakas na ulan ay nalubog muli sa baha ang halos buong Metro Manila maging
karatig nitong probinsiya. Tila taun-taon na lang natin pinoproblema ang baha
tuwing tag-ulan at kaakibat nito ang mga sakit na maari nating matamo tulad
ng Leptospirosis, Dengue at iba pa. Kailan kaya
darating ang panahon na wala ng magaganap na pagbaha sa tuwing umuulan?
Pasalamat na lamang at tumila ang pag-ulan pagsapit ng gabi na siyang nagbigay
panatag sa aming pagtulog.
July 07, 2015
Tuesday
Year III-188
6q-d. Tuluyan na
ngang bumuti ang lagay ng panahon na siyang dahilan kung bakit tuloy pa rin ang
klase namin. Kasabay ng pagbuti ng panahon ang pagbuti rin ng pakiramdam ko't
mukhang napawi na ang sipon. Tila kay aliwalas ng nasa loob ko't may siglang
pumasok. Wala pang guro pagdating ng yapak sa eskwela. Magkakaroon pala mamaya
ng pagsusulit sa Zoology 2 kaya sinamantala ko ang oras sa
pagrerepaso na walang guro. Lumipas ang ilang sandali ng pumasok si Sir
Patrick. Nagturo muna ito at maya-maya'y nagkaroon kami ng Activity.
Panay ang takip namin sa ilong ng buksan ang mga garapong naglalaman ng iba't
ibang specimen at inilagay sa tray. Sa tindi ng
alisangsang ay muntikan na kong maduwal. Habang iginuguhit ang mgaspecimen ay
wala akong ginawa kundi tiisin ang amoy. Sa tindi ng baho, mukhang nagsisimula
ng mabulok ang nakahaing specimens.
6q-e. Ilang saglit
pa ng palabasin kami ni Sir Patrick. Sa kagustuhang makatamo ng
magandang marka, wala kaming ibang inatupag sa buong oras na ito kundi
magrepaso. Lagpas na sa itinakdang oras ang pagsisimula ng aming klase subalit
di pa pumapasok si Ma'am Eloisa. Nakampante ako kaya di na itinuloy
pa ang pagrerepaso. Malapit ng sumapit ang Alas-onse ng pumasok si Ma'am
Eloisa at nagsimula na ang pagsusulit. Hindi naging madali sa akin ang
pagsusulit at karamihan sa mga patlang ay walang kasagot-sagot. Sa hirap ay
nanghula-hula na lamang ako, nagbabakasakaling tumumpak ang mga sagot. Nang
maiwasto ay walang balak ang isip na tingnan ang natamong marka pagkat batid na
mababa ito.
6q-f. Hindi nga
nagkamali't wala pa sa kalahati ang nakuhang marka, labis na nadismaya ang
kalooban ko. Sa dami ng bumagsak kabilang ako, sinermunan kami ni Ma'am
Eloisa ng walang patid at kita sa mukha nito ang pagkadismaya. Medyo umaalingasaw
na ang amoy ng dalang pata ng baboy na siyang ginamit namin bilang specimen kung
kaya matapos ang klase, napagpasiyahan ng itapon ito. Itatapon sana namin ang
pata pero ang problema ay di alam kung saan pwede, sa takot na managot at may
magreklamo. Sa halip na ilaan ang oras na ito upang kumain ay wala kaming
ginawa kundi maghanap ng tamang lugar na pagtatapunan ng pata. Halos isang oras
na kaming paikot-ikot at pabalik-balik subalit di pa rin makita ang tamang
tapunan. Sa puntong iyon ay problemadong-problemado na kami ni Catherine at
di na alam ang gagawin sa Pata.
6q-g. Nang makaisip
ng paraan, pansamantala naming inilagak ang bag na naglalaman
ng pata ng baboy sa kagubatan at iniwan. Dumikit na nga sa kamay ko ang amoy sa
tagal nito na nasa palad at masuka-suka sa amoy. Di na tuloy ako makakain dahil
sa pesteng patang iyan.
Matapos ay tumungo kami sa library at nagpahinga.
Laking gulat ko ng ipabatid nila na magkakaroon ng pagsusulit sa Statistical
Science. Kaagad akong nagbuklat ng kwaderno ng mabatid iyon at nagrepaso.
Maya-maya'y tumungo na kami sa silid. Sa oras ng English, tinuruan kami
ni Sir ng tamang pagbigkas sa bawat salita. Para kaming di kolehiyo habang
binibigkas isa-isa ang mga salitang nakasulat at di maiwasang humalakhak kapag
nilalagyan ng arte ang paraan ng pagbigkas. Masaya talaga ang klase kapag oras
ng English dahil kay Sir Jenor at dami niyang
pakulong tawa sa amin. Sa oras naman ng Statistical Science ay
laking tuwa namin ng ipabatid ni Sir Jigo na sa Biyernes na
matutuloy ang pagsusulit at magtuturo lamang ito.
6q-h. Hindi kaagad
pumasok sa utak ang kanyang itinuro at mangapa-ngapa ng magkaroon ng activity.
Maya-maya pa ay dismissal time na. Bago lumabas ng Campus ay
binalikan muna namin ang pata ng baboy. Sa wakas at nakahanap na rin ng lugar
ng pagtatapunan at tiniis ko ang pandidiri habang binubuksan ang bag. Sa baho, ni hindi
ko na nga magawang tumitig sa hawak na pata't palikod na inihagis. Parang
natanggal ang pasang bato sa likuran ng iyon ay maitapon at halos masayang ang
buhay namin para lang diyan. Hindi pa pala natatapos ang problema ko, dahil sa
sobrang pagmamadali ay nakalimutan kong bawiin angcellphone kay Hazel.
6q-i. Hinanap ko
siya subalit ipinabatid sa akin na nakauwi na raw ito. Kahit wala sa kamay
ang Cellphone ko ay panatag pa rin ang kalooban sapagkat nasa
mabuting kamay iyon, sana nga. Pagsapit ng gabi, bumuhos muli ang napakalakas
na ulan. Bukod sa malakas ang ulan ay sinabayan pa ng hangin at mistulang
binabagyo na kami. Tumungo ako sa Ison site ng humina ang ulan
at pagkatungo ay di na madaanan ang daan sa taas ng baha at lubog kung sino ang
magtangkang sumuong. Naging maulan sa magdamag subalit pabugso-bugso.
July 08, 2015
Wednesday
Year III-189
6q-j. Wala pa ring
patid ang pabugso-bugsong malakas na ulan. Maliwanag na sa labas ng ako ay
magising at bumangon. Pagkagising, kaagad kong binuksan ang telebisyon. Halos
lagpas tao na ang taas ng baha sa ilang lugar at mistulan na ngang dagat sa
lawak ng baha. Tumila naman ang ulan kinalaunan at ako'y lumabas. Kung kailan
nasa labas ako at bumibili, bumuhos muli ang ulan. Sumilong muna ako at
hinintay na tumila ito. Pagkatila ay saka lamang kumilos pauwi't may
pagmamadaling kumilos sa takot na maabutan. Matapos kong mag-almusal, sinimulan ko ng gawin ang takdang-aralin
sa Zoology 2. Hindi pa rin biro ang mag-drawing ng
mga hayop at kailangan ay detelyado para maging kaaya-ayang tingnan. Pansin ko
lang na puro kami drawing sa subject na ito't
kahit paano, natuto na rin ako sa pagdo-drawing. Habang abala ako sa
pagguhit ay dumilim muli ang kalangitan, marahil ay uulan nanaman. Maya-maya'y
bumuhos na ang napakalakas na ulan na sinabayan pa ng pagkulog at pagkidlat.
6q-k. Sa takot sa
presensiya ng dalawang elemento, itinigil ko ang gawain at nagtalukbong. Halos
di na maaninag ang kapaligiran sa lakas ng ulan. Pagkapanood sa balita, kakalabas pa lamang
ni Egay subalit may panibagong bagyo nanamang pumasok na
nagngangalang "Falcon" at lalong pinapaigting
ang Habagat. Nagpatuloy ang napakasungit na lagay ng panahon
hanggang sa magtanghaling tapat. Ibig ko sanang maligo sa ulan pero baka
bumalik ang sipon, hanggang tingin na lamang ako. Mabuti pa ang mga paslit na
kahit kaliliit ng katawan ay di madaling dapuan ng sakit. Tila kay sarap
matulog kapag ganitong maulang panahon. Lalo pang umigting ang masungit na
panahon pagsapit ng hapon. Heto muli ako at di makalabas-labas ng bahay dahil
sa malakas na ulan. Tumila naman ang mga pag-ulan pagsapit ng gabi. Umiral ang
tuwa sa dibdib ng ideklarang suspendido ang klase bukas at magkakaroon pa ng
panahon upang gawin ang mga takdang-aralin.
July 09, 2015
Thursday
Year III-190
6q-l. Dama pa rin
ang napakasungit na panahon dala ng Hanging Habagat, kung kaya
muling nasuspinde ang klase. Natutuwa ako sapagkat wala muling pasok at di
maagang magigising, kaso nga lang ay di ko mababawi kay Hazel angAndroid
Phone at patuloy akong nangungulila. Kamusta na kaya iyon? Mga dakong
ikawalo na ng maisipang bumangon. Kay sarap humigop ng kape kapag ganitong
maulang panahon at pinapainit nito ang aking dibdib. Matapos magkape, sinimulan
ko na ang gawaing bahay. Mabuti na rin ang maulan sapagkat di maalikabok at di
ako mahihirapan sa paglilinis. Matapos ang gawaing bahay, ako'y nagbantay sa
tindahan. Medyo matumal ang bentahan ngayon dahil maulan at kung may bumili
man, kadalasan ay mga bata.
6q-m. Nagpatuloy pa
rin ang malalakas na pag-ulan ng mga oras na iyon. Ibig ko muli sanang maligo
sa ulan, pero pinigilan nila ina. Kahit may kababawan ang dahilan ay di ko
maiwasang mainggit. Nababato talaga ako at walang magawa, panonood ng
telebisyon ang inatupag ko at paglalaro ng Cellphone. Katamad din
ang magkikilos-kilos ngayong maulang panahon, natulog na lamang ako matapos ang
mga iyon. Ang pabugso-bugsong ulan ay katulad din sa ating problema sa buhay na
anumang oras ay maaring dumating at di mapipigilan, kung dumating man ay lumilipas
din naman. Minsan dumidilim hanggang sa maging malagim at minsan ay lumiliwanag
na halos ikasilaw mo na.
6q-n. Anuman ang
ating pinagdaraanan ay dapat maging handa't matatag. Sa sarap ng tulog ko,
malapit ng magtakip-silim ng ako'y magising. Kinagabihan, hindi na gasinong
nag-uulan-ulan pero nanatiling suspendido ang klase bukas. Nanghinayang lamang
ako sa aking nabatid pagkat di ko muli mababawi angcellphone, tiis-tiis
muna sa isang cellphone na nagloloko at mabagal. Hindi pa
inaantok, kung kaya nakinig muna ng musika. Dahil tag-ulan, awiting pang-ulan
ang trip kong pakinggan at grabe ang mga lyrics,
masyadong hugot at makapukaw damdamin ang mga mensahe. Maya-maya'y naisipan ng
matulog.
July 10, 2015
Friday
Year III-191
6q-o. Humupa na ang
pag-ulan subalit wala pa rin kaming pasok. Mukhang nagkakaroon ng bakasyon
dahil sa masungit na panahon. Pagkabangon, gawaing bahay muli ang inatupag ko.
Medyo sinisipag ako ngayon at ginaganahang gawin kung ano ang ibig subalit
napakalimitado kung isasakatuparan lahat dahil sa maulang panahon. Matapos ang
gawaing bahay, pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko. Matumal pa rin ang
bentahan at halos langawin na ang mga paninda. Maya-maya'y tanghalian na at
pansamantala kong itinigil ang pagtitinda. Pagkapanood sa balita, limang
talampakan o higit pa ang taas ng baha sa kanila at ang ilan ay di na makalabas
dahil na-trap ng baha. Hirap mamuhay kapag kasama mo ang baha sa
araw-araw at di na ligtas ang iyong kalusugan.
6q-p. Bukod sa
baha, nagtitiis na rin sila sa baho at mga lamok sapagkat stagnant ang
tubig at mukhang magtatagal pa kapag nagpatuloy ang ulan. Sana huwag ng umulan
sa mga lugar na lubhang binaha at umulan naman sa mga lugar na lubhang
natitigang at nangangailangan ng tubig. Tuluyan ng dumalang ang mga pag-ulan
pagsapit ng hapon subalit pumalit naman ang mahanging panahon at halos liparin
na ko. Gawa na di makapag-Facebook dahil sa kupad ng internet,
naisipan kong lumabas at magkumpyuter. Habang nagkukumpyuter ay saktong nagkita
kami ng dating kamag-aral na si Aira, halos apat na taon din kami di
nagkikita at kamustahan kaming dalawa. Dakong madilim-dilim na sa labas ng
ako'y umuwi. As usual at nanatiling suspendido ang klase bukas
at di ko nanaman mababawi ang pinakamamahal at iingatang Android phone.
July 11, 2015
Saturday
Year III-192
6q-q. Matapos ang
halos isang linggo na basa ang kapaligiran dahil sa maulang panahon ay ngayon
lamang nagpakita ang haring araw. Kahit bumuti-buti na ang lagay ng panahon ay
may mga pag-ulan pa ring nararanasan subalit hindi na kasing lakas gaya ng mga
nakaraang araw at pabugso-bugso na lamang. Nagpapasalamat kami at sa wakas,
umaraw na rin. Makakatulong ito upang mabilis na humupa ang baha sa mga
apektadong lugar. Nakalabas na rin pala ang bagyo sa teritoryo kaya wala ng
pinangangambahang panganib na maari nitong idulot. Mahal talaga tayo ng
panginoon at kahit di na mabilang sa dami ng kasalanan ay naririyan pa rin siya
at nakaantabay.
6q-r. Pagkabangon,
gawaing bahay muli ang siya kong inatupag. Matapos ay takdang-aralin ang sunod
kong pinagkaabalahan. Kahit wala akong kakayahan pagdating sa pagguhit ng mga
bagay ay medyo nag-i-improve ito at di na mukhang tsaka ang
pagkakagawa. Kapag may bagay kang gustong matutuhan, kahit di mo iyon talento
basta nagkukumahog na gawin ay mapaglilinang iyon hanggang sa dumating ang
panahon na di na mahirap para sa'yo at mapapasayo ang kakayahang iyon. Mahirap
sa una pero kayang-kaya naman kinalaunan. Malapit ng magtanghaling tapat ng
matapos ko ang takdang-aralin. Kanina pa nakakaranas ng gutom kaya diretso
tungo sa kusina pagkaluto ng ulam. Matapos mananghalian, ako'y nag-siyesta.
6q-s. Pagsapit ng
hapon at gawa na may kahabaan na ang buhok ay naisipang magtungo sa barber
shop, kaso nga lang ay bumuhos muli ang ulan at iyon ang pumigil sa akin.
Gawa na di naman makalabas-labas ng bahay kaya pagtitinda na lamang ang
inatupag sa maghapon. Pagsapit ng gabi, sama-sama kaming magpapamilyang nanood
ng telebisyon. Natutuwa ako sapagkat kahit di gasinong nag-uusap ay kumpleto
kami at nagkakasundo sa mga bagay-bagay. Sa tana ng buhay ay ngayon lamang
napanood sa Maala-ala mo kaya ang ganong klaseng kwento.
Naging kakaiba ang kwento sapagkat tungkol iyon sa isang Kabet na
nagngangalang Rosa na sa halip na gawing miserable ang buhay
ng legal na asawa na si Che-che, siya pa mismo ang nag-alaga nito
ng si Che-che ay may karamdaman at nakakapukaw ng damdamin.
6q-t. Sa lahat ng mga kabet, kadalasang iniisip nating katangian sa
kanila ay puro negatibo at kaagad natin sila nahuhusgahan. Hindi pala lahat ng
kabet ay may ganoong pag-uugali at may kabet na may mabuti ding kalooban
katulad ni Rosa. Nainis lamang ako sa lalaki dahil di niya agad
ipinagtapat kay Rosa na may asawa at anak na ito at ginawa
pang kabet na walang kamalay-malay. Kasalanan din naman ng asawa at
napakaselosa niya kasi, naghanap tuloy ng iba ang lalaki subalit para sa akin,
di niya dapat ginawa iyon. Dapat ay ipinawalang bisa muna ang kasal bago siya
maghanap ng iba. Sa sobrang ganda ng kwento ay halos maiyak na ko. Maya-maya
pa, kami'y nagsitulugan na.
July 12, 2015
Sunday
Year III-193
6q-u. Tirik na ng
husto ang haring araw ng ako'y magising. Mukhang nanumbalik na sa dati nitong
aliwalas ang lagay ng panahon at habang maganda pa ay sinamantala ko ang pagkakataon
upang maglaba. Kung kailan naglalaba ay biglang dumilim ang kalangitan at sa
takot na maabutan ng ulan ay pwersado ng nagmadali. Maya-maya'y bumuhos na nga
ang ulan subalit saglit lamang ito. Hinintay munang tumila ito bago magsampay.
Matapos at gawa na may kahabaan na ang buhok, tumungo ako sa barber
shop at nagpagupit. Daming kabalbalang lumalabas sa bibig ni Mang
Usman kapag kinakausap ito. Kahit nakakabastos na at di nakakatuwa,
pinipilit na lang matawa. Gayunpaman, nalibang pa rin ako sa kanya habang
ginugupitan. Tila halos di ko na makilala ang sarili sa laki ng pinagbago
matapos magupitan. Sa tagal na rin na di nakakabisita sa kanila, sa halip na
dumeretso sa bahay ay nagtungo pa ko kina Angelica.
6q-v. Papatungo
sana ako sa kanila ng biglang tawagin ni Jaka. Mukhang mahalaga
itong sinasabi subalit di naman maulinig, tumungo ako sa bahay nila. Pagkatungo, di ko
inasahang makalat at ganong kagulo ang bahay nila. Wala na ring panahon
ang Ate Ging upang makapaglinis sapagkat kita ko kung gaano
ito kaabala sa bago nilang negosyo. Kahit di pamamahay ay kusang loob kong
pinagdadampot ang mga kalat. Kaya pala magulo sa tahanan nila dahil may
dalawang batang makukulit. Kahit makukulit ay nasasaway naman kahit paano.
Hinintay ko pa si Cathy subalit isang oras na ang nakakaraan,
di pa ito dumadating. Tanghaling tapat na at mukhang matagal na kong wala sa
bahay kaya napagpasyahang magpaalam na sa kanila. Pagsapit ng hapon, nagtungo
naman ako sa SM Fairview upang makipagkita kay Hazel at
bawiin angcellphone ko sa kanya. Sa labis na sabik ay mas maaga pa
sa oras na napag-usapan namin ang pagtungo ko roon subalit wala pa ito ng
datnan ko.
6q-w. Hindi ko ibig
ang mainip sa kakahintay kung kaya naisipan munang magtungo sa Fairview
Terraces at mamasyal. Pakiwaring napakarangya ng buhay mo habang
nililibot ang loob ng mall sapagkat puro mamahaling gamit ang
makikita at isa pa, disenteng-disente ang kasuotan ng bawat makasalubong ko.
Naiilang ako sa sarili sapagkat pakiwaring di presintable ang kasuotan ko. Matapos ay bumalik
na ko ng SM. Wala pa rin si Hazel ng datnan ko,
naghintay muna ako. Makalipas ang ilang minutong paghihintay, sa wakas at
dumating na rin si Hazel. Nag-uumapaw ang kaligayahan sapagkat
mapapasakamay muli ang Cellphone na halos isang linggong
napawalay sa akin. Hindi muna kami kaagad umalis at naisipan pang
maglibot-libot sa mall. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya kahit
sa Caloocan pa ang bahay nito ay nag-atubiling samahan
si Hazel sa pag-uwi nito. Sa halip na ipunta niya ko sa
kanilang bahay ay sa simbahan.
6q-x. Akala ko ng
una, sa simbahan kami tutuloy pero di pala kundi sa isang apartment na
kalapit nito. Pagkadako namin roon, puro kabataang nagkakampo-kampo ang
madadatnan. May youth fellowship palang nagaganap sa kanila at
ngayon ko lamang napagtanto na may sinasalihan si Hazel na
ganong organisasyon. Ipinakilala niya ko sa kanyang mga kasamahan at mainit
naman nila akong tinanggap.
Maya-maya'y nagsimula na ang kanilang Recollection at
nakakatuwa dahil nasasabi ng bawat isa kung ano ang naranasan nila sa buhay.
Magandang impluwensiya rin sila sapagkat malapit sa Panginoon. Katulad din sa
kinagisnan kong relihiyon ang relihiyon nila at mukhang bumabalik na sa
pagiging Katoliko. Matapos ang sharing ay tumayo
kami at sumayaw. Dami kong tawa sa aming kinikilos.
6q-y. Pagkatapos,
ang lahat ng bagong dating kabilang ako ay isa-isang lumapit sa lalaking
nagsasalita upang magpakilala. Ang kisig niya sobra't di ako makatitig ng
diretso habang kinakapanayam niya. Sa hiya, ingat-ingat ako sa pagsasalita sa
takot na ma-turn-off ito. Bukod sa makisig ay magaling rin itong
magpasaya at higit sa lahat, makadiyos pa. Sabay inalam ko kay Hazel ang
pangalan nito matapos ang kanilang Youth fellowship nila, Mark ang
pakilala nito sa akin. Ang puti at kisig niya talaga at malaartistahin pa ang
dating. Malapit na ring gumabi at sa halip na samahan pa ito sa bahay nila,
umuwi na ko. Sa totoo lang ay masaya silang kasama, kaso di naman makakadalo
sapagkat may kalayuan ang bahay mula sa kanila. Sa layo ng biyahe, malapit ng
gumabi ng makarating ako ng bahay.
July 13, 2015
Monday
Year III-194
6q-z. Medyo
napasarap muli ang tulog ko at pagkagising, malapit ng mag-ikasiyam ng umaga.
Malapit na rin ang tanghalian kung kaya di na ko nag-almusal at takdang-aralin
agad ang siyang pinagkaabalahan. Labis-labis ang pagkukumahog ko sa paggawa
kahit mahirap at kinalaunan ay natapos ko rin naman ito. Maya-maya'y oras na
upang mananghalian, kanina ko pa tinitiis ang gutom kaya diretso tungo sa mesa
pagkahain ng ulam. Masabaw-sabaw at maasim na Tinolang manong ang naging
pananghalian namin. Sa asim at linamnam ng Sinigang ay di maawat ang bibig sa
paglantak. Bago umalis si Papa patungong trabaho ay di ko lang maiwasang matawa
nang biglang masulyapang nagse-Selfie silang dalawa ni
Mama't animoy di matanda kung makaasta. Tila dinaig pa ang mga kabataang adik
sa Selfie kung maka-post at halos mapuno na
ang Gallery sa dami ng nakunang litrato. Tila di man lang
makapaghinay-hinay sa pagse-Selfie.
6r-a. Hinayaan ko
na lamang silang dalawa at sa totoo lang ay nakita ko kung gaano katamis
ang kanilang lambingan lalo na ng kunan ko silang dalawa ng litrato.
Hindi ko sukat akalain na maipapakita nila ang ganong bagay sa kabila na may
edad na't naninibago ako.
Kahit madalas mapagalitan ay mapalad pa rin ako na naging magulang ko
sila sapagkat di sila nag-aaway at naipapakita pa ng husto ang pagmamahal sa
isa't isa. Sa kakakuha ng litrato'y mukhang mahuhuli na si ama sa pagpasok.
Pagsapit ng hapon, pagtitinda muli ang inatupag ko. Maya-maya'y lumabas ako
upang bumili ng Plastic cover. Ilang tindahan na ang napuntahan at
napagtanungan subalit bigong makahanap ng Plastic cover at
nakarating na nga sa taas sa kakahanap. Mabuti na lamang at may nabiling Plastic
cover pagkatungo roon at may napuntahan rin ang aking pagod. Bago umuwi,
biglang sumagi sa isipan ko ang magkumpyuter.
6r-b. Pakagat na
ang dilim pagkarating ko sa bahay at kaagad na binalutan ng Plastic
Cover ang mga aklat. Matapos ay panonood ng telebisyon ang inatupag
ko. Nakakagimbal lamang ang nabatid ko sa balita ng iulat ang tungkol sa halos
dalawang libong katao ang nalason dahil sa kinaing Candy. Pasalamat na lamang at walang binawian ng buhay. Ngayon na napapaulat
ang tungkol riyan ay tila natatakot na kong kumain ng Candy at
bumili ng pagkain kung saan-saan sa takot na matulad sa kanila. Marahil ang
dapat gawin ay ibayong pag-iingat sa bibilhing pagkain upang maiwasan ang
pagkakasakit at di na makadagdag pa sa gastos. Lupit rin ng ginawang Candy
na iyon at libo-libo ang naperwisyo at nanganganib na mamatay. Matapos
manood ng paboritong programa ay kaagad ng natulog. Hindi naman makatulog ng
maayos dahil sa maalinsangang panahon.
July 14, 2015
Tuesday
Year III-195
6r-c. Sa antok ay
nakakatamad pang bumangon. Dakong Alas-kwatro na ko nagising subalit
Alas-singko na napagpasyahang bumangon. Habang nag-aalmusal, humingi ako ng
pera pambili ng libro kay ina. Sa aking paghingi ay di ko inasahan na
magpuputak-putak muli ito at dami niyang mga sinasabi. Hindi ko alam sa kanya
kung bakit napakainit ng ulo't tila may malaki itong problema. Inunawa ko na
lamang ito at di na sinagot pa ng husto. Marahil ay senyales na
malapit na siyang mag-menopause kaya nagiging mainitin na ang ulo.
Kahit pinaulanan niya ko ng maanghang na salita'y nagbigay naman ito bago ako
umalis. Tila kay bigat ng kalooban ko pagkapasok sa eskwelahan at nakaukit pa
rin sa isipan ang mga sinabi niya. Wala pa si Sir Patrick pagkatungo
ko saLaboratory subalit ilang saglit pa ang lumipas ay dumating na
ito. Binigyan niya kami ng oras upang tapusin ang takdang-aralin.
6r-d. Sa
kadahilanang tapos ko na ito at magkakaroon pala ng pagsusulit sa Statistical
Science, sa halip na magsulat at gumuhit ay nagrepaso na lamang. Halos
lumuwa na ang mata sa kakaaral subalit wala talagang pumapasok sa utak at medyo
nahihirapan na ko, idagdag pa ang samu't saring boses na bumabasag
sa aking konsentrasyon.
Maya-maya'y ipinasa na namin ang kanya-kanyang output at
nagkaroon ng recitation. Kaba ang umiral sa dibdib ng magkaroon ng recitation subalit
nakaligtas naman. Ilang sandali pa, lumakad na kami patungong silid. Tungkol sa
iba't ibang uri ng nilalang at kung paano sila mamuhay ang itinuro sa amin ni Ma'am
Eloisa. Nakatuon na ng husto ang teynga ko sa itinuturo ni Ma'am
Eloisa subalit walang pumapasok sa utak at nakakaantok pa. Sadyang kay
hirap ng asignaturang ito at kailangan ng dibdibang pag-aaral upang pumasa.
Maya-maya pa, lunch break na at kami'y kumain.
6r-e. Pagkatapos
kumain, inaya kami ni Catherine na magtungo sa bahay ng
kasintahan nito. Pagkatungo ay di agad kami makapasok-pasok dahil sa umiiral na
hiya. Pakiwari ko, distraksyon kami sa kanilang pagkikita pero nasaksihan ko
kung gaano kalapot at kalagkit ang kanilang pakikipaglaguyo. Sonny ang
pakilala sa amin ni Catherine at makisig rin naman ito at mas
bata itong tingnan kumpara sa tunay nitong edad, kaso di katangkaran at
magkapantay lang sila halos. Kinapalan na namin ang mukha sa pagpasok at kami'y
pinakilala niya sa kaanak nito. Kung ako tatanungin, siya na ang tamang lalaki
para kay Catherine at tila may forever sa
kanilang dalawa, sana nga. Hindi na kami nagtagal pa sa kanila at kaagad na
umalis.
6r-f. Magkahalong
kilig at tuwa ang namayani sa dibdib habang inilalahad ni Catherine ang
tungkol sa kanilang dalawa't di ko maiwasang maiingit. Iniisip ko kung kailan
makakakilala ng tao na handa akong mahalin at tanggapin sa kabila na ganito
ako, binabae. Sa layo ng nilakad, nagpahinga muna pagkadako sa Eskwelahan. Sa
oras ng English, nagturo lamang si Sir Jenor. Lihim
akong nagrerepaso habang nagtuturo ito. Maya-maya pa, Statistical
Science na at laking tuwa muli namin ng ipabatid ni Sir Jigo na
pagkatapos na lang ng Preliminary Exam itutuloy ang pagsusulit
sapagkat walang klase sa Biyernes. Kahit paano'y nakukuha ko na ang kanyang
itinuturo at di na nangangapa pa.
6r-g. Ang problema
lamang, wala akong dalang Calculator kaya pahirapan ang
pagsuma. Matapos ang pagtuturo, nagkaroon muli ng recitation. Hindi
naman natawag lahat sapagkat kinapos na sa oras at uwian na. Kasama sina Anne
Rose, Ella, Catherine at Sonny ay
naglakad lamang kami hanggang SM. Kahit may kalayuan ng bahagya at
nakakapagod ay sulit naman dahil sa kanila at muntikan ng mapunit ang
ngala-ngala sa walang humpay na pagtawa, paano at dami nilang alam na biro at
ang lalakas pa mang-trip. Matinding pagod at gutom ang inabot ko
pagdating sa bahay kaya diretso ako sa paglantak ng ulam. Matapos ay pagtutok
naman sa telebisyon ang sunod na inatupag. Napaluha muli ako sa naging palabas
sa Nathaniel ng magkita at makilala na ni Hanna ang
tunay nitong ina. Kawawa lamang ang isang ina na nag-aruga at nagpalaki sa
kanya dahil mawawalay na ito. Maya-maya at dahil sa antok, ako'y natulog na.
July 15, 2015
Wednesday
Year III-196
6r-h. Kahit ito ang
araw ng aking pahinga ay gumising pa rin ng maaga upang tumungo kami sa opisina
ng ate at magpabakuna. Magkahalong sabik at takot ang namayani sa dibdib.
Dakong ikawalo na ng umalis kami ni Mama. Sa layo ng biniyahe at gawa na
mabagal pa ang usad dahil matrapik, bahagya akong nahilo. Malapit ng sumapit
ang Alas-onse ng marating namin ang Bonifacio Global City, lugar
kung saan nakatira at nagtatrabaho si ate. Pagkaalpas namin roon, nahalina ako
ng husto pagkat ibang-iba ang lugar na iyon at animoy nasa ibang bansa ka. Kay
gagara ng mga sasakyan kung pagmamasdan maging sa kasuotan ng mga dumaraan at
kahit saan ako lumingon, puro nagtatayugang mga gusali ang matatanaw. Nang
makarating sa mismong kumpanya na pinapasukan ni Ate, gininaw ako ng husto
pagkat sobrang lamig. Sinamahan kami ng Ate hanggang clinic at
nagpabakuna.
6r-i. Saglit lamang
kaming binakunahan at naupo sa labas ng opisina upang hintayin ang ate na
matapos sa kanyang ginagawa. Masarap ngang manatili sa kanilang opisina at
komportble pa, pero bawat kilos mo naman ay kailangan ingatan sapagkat
matikuloso ang mga tao roon at di din pupwede sa kanila ang pagiging taklesa
mo. Napakahigpit din ng kanilang seguridad kaya tila sakal na sakal ako. Maya-maya at ng
matapos ang ate, tumungo kami sa Restaurant. Sa Max namin
napiling kumain. Unang beses ko pa lamang kumain sa ganong restaurant sa
tana ng buhay at bawat putaheng nakalagay sa Menu ay lubhang
pangsusyal at napakamahal. Kahit maladyamante ang presyo, sagot naman lahat
iyon ng Ate kaya nakalasap pa rin.
6r-j. Sa sarap at
kakaiba nitong lasa, wala akong masabi at labis na nabusog at naaliw sa mga
pagkain. Matapos kumain ay tumungo naman kami sa kanyang Condo unit.
Sa labas pa lamang, aakalain mong mga mayayaman ang nakatira at ang lawak pa
ng pool at Sport's area. Ibang klase na talaga ang
kapatid ko at namumuhay na siya sa marangyang buhay. Ipinakita niya rin sa amin
ang kwarto nito. May kaliitan nga lamang subalit ayos na rin at marahil ay
mamumuti ang balat mo kapag tumagal ka roon dahil malamig. Hindi kami nagtagal
roon at agad ng umalis. Maaga pa at gusto ko pang mamasyal, kaso hindi pumayag
si Mama at gusto ay umuwi na kami. Minsan na nga lang humiling sa kanya, hindi
pa mapagbigyan, nagkaroon ako ng kaunting tampo sa kanya. Itinago ko na lamang
ang aking nararamdaman sapagkat ayaw kong pagtingiinan kami. Lalo pang sumidhi
ang ngit-ngit sa dibdib ng magtawag ng Taxi ang ate at sapilitan akong
pinapasakay.
6r-k. Hindi ko
talaga ibig ang sumakay sa Taxi pagkat nakakahilo. Labis nila akong pinilit at
sa yamot, hindi ko na nakontrol pa ang emosyon at nawala na ang hiyang
makipagtalo sa kanila. Hindi naman nila ako maunawaan at kung di naman ganito
ang pakiramdam ko'y di mangingiming sumakay ng taxi. Di nagtagal ay napagbigyan
naman nila ako sa aking kagustuhan, kaso maanghang na salita ang inabot ko.
Maya-maya'y sumakay na kami sa Bus. May kaibahan ang Bus nila
sapagkat pagilid ang upuan sa halip na paharap at ang luwang pa. Habang lulan
ay nakaramdam nanaman ng hilo't tila naduduwal ako. Kaagad naman akong sumuka
pagkababa namin sa Ayala. Sa kagustuhang mapabilis ang biyahe,
kahit pinakaayawan ko ang sumakay sa MRT ay no choice kami
kundi sumakay doon. Hindi naman gasinong siksikan tulad ng aking inaasahan kaya
nakahinga pa rin ng maluwag. Kahit paano'y di na ko nahilo pa pagkababa
ng MRT. Tumungo pa kami sa Trinoma, matagal na rin
kaming di nakakapunta roon kaya maligaw-ligaw na halos. Pagkarating sa bahay,
kaagad akong nagpahinga.
July 16, 2015
Thursday
Year III-197
6r-l. Bandang
ikalima na ng umaga ako nagising at bumangon. Wala pa ring ganang kumain kaya
kakarampot lamang ang inalmusal ko at tila maduduwal kung dadamihan. Hindi ko
malaman sa sarili kung bakit ganito ang nararanasan ko? Di naman ako buntis.
Kahit di maganda ang lagay, pumasok pa rin ako. Tanging mga kamag-aral ko pa
lamang ang nadatnan pagkatungo sa eskwelahan at anong ingay nila talaga. Tila
bulang naglaho ang ingay at balikan sa kanya-kanyang upuan pagkapasok ni Ma'am
Ria. Tamang kuha lamang ng litrato sa kanyang slide habang
ito'y nagtuturo. Kahit kailan, nakakatuwang magturo si Ma'am Ria at
dami niyang kuwento sa amin. Nainis lamang ako ng kaunti sapagkat malabo ang
pagkakakuha at di maaninag ang sulat. Ilang sandali pa, lumabas na kami.
6r-m. Sa halip na
kumain ay pumila muna kami sa Accountant area upang kumuha ng permit.
Hindi kaagad kami nakakuha ng permit sapagkat nagkaroon ng problema
sa aming Registration card at kailangang i-reprint. Sa halip na matapos
ang paghihirap sa pila, heto at kailangan pang magtungo sa registrar.
Kay aga-aga subalit labis na akong na-stress. Maya-maya’y pumasok na
kami. Sa oras ng Cognitive Psychology, tungkol sa parts of
Neurons at Cells ang tinalakay sa amin ni Sir
Gelo. Sarap makinig kapag ang Professor mo'y saksakan sa
kakisigan at kaputian at ang lambing pa magsalita ni Sir Gelo. May
ilang bahagi lamang sa kanyang itinuro ang nalito ako kaya kinapalan ko ang
mukha sa pagtatanong matapos nitong magturo. Sa haba at dami ng kanyang
ipinaliwanag, di namalayang nagsilabasan na ang mga kamag-aral ko't nakapasok
na ang ibang Course. Hindi naman ako nahuli sa pagpasok. Sa oras
ng Education 6, komopya lamang kami ng lecture sa
pisara.
6r-n. Matapos ay
nagturo na si Sir Esguerra. Ang seryoso't mahusay na pagtuturo,
biglang nauwi sa katatawanan. Maligaya nanaman ang araw namin dahil kaySir
Esguerra. Bago kami lumabas at sa bait nito ay binigyan niya kami ng Hint
kung ano ang dapat repasuhin.
Maya-maya'y lumabas na kami at nagtungo sa may Athletic Center.
Sa oras ng PE, naglaro lamang kami ng Games of the General at
sina Faye at Medina ang naging kalaro ko. Buti at
nalaro ko na iyon noong nasa High school pa kaya kahit paano'y
kabisado na ang mechanics ng laro. Katulad din ito ng Chess,
ang pinagkaiba lamang ay kahit saan na gusto mo ay pwedeng ilagay ang piyesa at
sugod lang ng sugod kahit di mo ginagamit ang utak.
6r-o. Dahil madali,
naging masaya ang laro. Kahit kita ko kay Medina na
nangangapa-ngapa at nagpapaturo sa una, sa huli ay siya ang pinakamaraming
napalanunan sa loob ng limang laro. May panalo din naman ako, dalawa nga
lamang. Inihirit pang magkaroon ng rematch, kaso kinapos na sa oras
at uwian na. Kung kailan nasa biyahe ay biglang bumuhos ang ulan, nagpatila
muna ako. Diretso Siyesta ako pagkauwi. Kinagabihan at dahil walang pasok kinabukasan, nagrepaso muna ako
matapos manood ng telebisyon. Kahit paano, madali naman pumapasok sa utak ang
inaaral ko't di nawawaglit. Nagpakapuyat ako ng husto sa pag-aaral sa
kagustuhang makakuha ng mataas na marka sa exam. Sa labis na
pagsusunog kilay, hating-gabi na ng magpasyang matulog.
July 17, 2015
Friday
Year III-198
6r-p. Ngayon
ipinagdiriwang ang pagtatapos ng Ramadan ng mga Muslim na
kung tawagin ay Edil Fitr, kaya holiday nanaman at
wala muli kaming pasok. Dakong Alas-otso na ng umaga nagising. Kung titingnan
ang kalangitan ay tila nagluluksa ito sa kakulimliman at mukhang bubuhos ang
ulan. Balak ko sanang lumabas at magtungo sa bahay ng kaibigan, pero mas pinili
ko ang magrepaso sapagkat nalalapit na ang aming pagsusulit. Hindi gaya kagabi
ang talas ng aking utak sapagkat di madaling pumapasok sa isipan ang inaaral
ko. Kahit sumasakit na ang ulo sa kakaunawa at kakamemorya ng aralin ay may
pagpupursigi pa rin sa pag-aaral, sa kagustuhang makakuha ng mataas na marka.
Mabuti na lamang at umiiral ang kapayapaan sa kapaligiran kung kaya maayos na
nakakapag-aral.
6r-q. Sana ganito
na lang parati sa lugar namin, tahimik at walang nagaganap na kaguluhan.
Nagkakasundo ang bawat mamamayan at walang mahilig manakit. Nanaisin ko pang
manirahan sa ganong lugar habang buhay kapag gayon parati. Sa sobrang tutok ng
mata ko sa pagrerepaso, di ko napansin ang oras at tanghaling tapat na. Nawalan
na rin ng ganang magrepaso sapagkat kumakalam na ang sikmura, pansamantala ko
iyon itinigil at kumain. Nabusog nga ko sa pagkain, inaantok naman kung kaya
naudlot ang balak ipagpatuloy ang pagrerepaso, nag-siyesta muna ako
pansamantala. Matapos ay ipinagpatuloy ang pag-aaral at maghapon ko iyon inatupag.
6r-r. Pilit
talagang isinasaisip ang nirerepaso pero napaparam pa rin, hindi ko mabatid ng
lubos kung bakit ang purol purol ng utak at nahihirapan na sa ginagawa. Ang panginoon na
ang bahala sa akin sa darating na pagsusulit at ipaalala niya nawa sa akin ang
mga sagot. Dakong gabi na ng ipagpahinga ko ang utak at nilibang naman ang
sarili sa panonood ng telebisyon. Basta gawaing panlibangan ay nabubuhayan ako
ng loob at sarap buhay samantalang puro pasakit at hirap ang dadanasin
pagdating sa pag-aaral. Kahit mahirapan man ay susubukan pa ring kayanin,
makamtan lamang ang kinabukasang kay ganda.
July 18, 2015
Saturday
Year III-199
6r-s. Maganda at
makulay ang naging panaginip ko at sa sobrang sarap matulog, si Mama na mismo
ang gumising sa akin. Malapit na palang sumapit ang Alas-sais ng ako'y magising
at kahit namumugto pa ang mata sa antok ay daglian ng bumangon. Sa ganda ng
panaginip ko, di pa rin mawaglit sa isipan at sana'y maging katulad ng buhay ko
ang panaginip at kung hindi man, magkatotoo sana. Kahit pagal na pagal na sa
labis na pagmamadali, di naman nahuli sa pagpasok. Maya-maya pa, pumasok na
si Ma'am Ria at nagturo. Napapawi nga lang ang atensiyon ko sa
pakikinig pagkat panay trip si Clark Haven.
Makapagsalita siya sa akin, akala'y magugustuhan ko ito at napakamanyak niya.
Sa halip matuwa at kiligin sa kanyang mga pahirit ay imbyernang-imbyerna lang
ako. Nagkaroon ng pangkatan para sa pag-uulat matapos magturo ni Ma'am Ria.
6r-t. Medyo minalas
nga lamang ng lagay dahil naging kagrupo ko si Clark Haven. Di ko alam
kung bakit naging kamag-aral ko muli ang kumag na iyon! Akala ko makakawala na
sa kanya. Matapos ay lumabas
na kami at kumain. Ilang sandali, nagtungo naman kami sa Library.
Magrerepaso sana ako subalit hindi sapagkat ang iingay nina Czarina at James
(Virrey) at parang magsing-irog kung magharutan, lumipat ako sa lugar
kung saan tahimik. Ng makahanap ay sinimulan ko na ang magrepaso. Kada salitang
nadadaanan ng paningin ay animoy bubog na sumusugat sa aking isipan. Kahit anong
gawin talaga, bigong maisaulo't sumasakit lamang ang ulo. Maya-maya pa, tumungo
na ko sa silid. Naging napakainteresado ng naging lesson sa Cognitive
Psychology sapagkat tungkol sa Sense organ ang
itinuro sa amin ni Sir Gelo, nagkaroon pa ng testing. Mabuti
na lang, di ako ang naging subject at di mapigilang matawa sa
oras na magkamali ang kamag-aral sa bagay na pinapahula habang nakapiring.
6r-u. Maya-maya'y
lumipat na kami ng silid. Nagturo lamang si Sir Esguerra at
habang nagtuturo'y kakilakilabot ang kanyang paliwanag. Mas matindi pa sa hayop
ang pag-uugali ng mga Chinese sapagkat legal ang Abortion sa
bansa nila at walang awang pinapalaglag ang mga bata. Bukod pa roon, ang mga
inilaglag na Fetus ay parang karneng tinatadtad at inilalahok
pa sa mga putahe. Ganoon sila ka-brutal sa mga bata, mapalad kaming
ipinanganak dito sa Pilipinas dahil may puso ang mga nagluwal
at dahil sa batas kaya di laganap ang ganong kaugalian. Kahit bilyon na ang
dami nila'y di naman tamang ipagkait sa mga bata ang mabuhay. Matapos ay uwian
na.
6r-v. Pagkarating
sa bahay at pagkabihis, naisipan kong magtungo sa bahay nina Angelica.
Di magandang balita ang bumungad sa akin sapagkat sinaniban daw muli ito at
kasalukuyang nagpapahinga. Ibig kong magpagaling si Angelica kaya
di ko muna ito kinibo at umalis. Sa bahay naman nina Cathy ako
sunod nagtungo. Kita ko kay Ate Ging ang hirap at pagod na
dinadanas habang nagtitinda at di na nga magkandaugaga. Wala nanaman si Cathy ng
datnan ko at hinintay pa ito. Ilang minuto makalipas ng dumating ito. Nagkaroon
lamang ng kaunting yamot sa kanya sapagkat pinagdiskitahan agad ang cellphone ko
at nag-selfie. Tila wala ng bukas kung ito'y mag-selfie at
makaasta akala'y pagmamay-ari niya.
6r-w. Sumidhi pa
lalo ang yamot sa dibdib ng di niya ibigay ng babawiin ko na ito at kaunti na
lang, magpapamalas na ko ng galit sa kanya. Tila nagyelo ang kalooban ko ng
mabawi iyon kinalaunan. Mabuti na lamang, nakaya kong kontrolin ang sarili at
magkasundo pa rin kami. Makagamit kasi ng cellphone, akala'y
kanyang-kanya na. Hindi na ko nagtagal pa sa kanila at kaagad ng
umuwi. Bago lumisan, ipinabatid sa akin ni Ate Ging na
kaarawan ng Pastora Anna bukas at inanyayahang dumalo sa Church.
Natuwa ako subalit di buo ang pangakong makakadalo. Kinagabihan at matapos
manood ng telebisyon, ako'y nagsunog-kilay muli. Sa sobrang pagkukumahog sa
pagrerepaso, inabutan na ko ng madaling araw. Ng dalawin ng antok, saka lamang
nagpasyang matulog.
July 19, 2015
Sunday
Year III-200
6r-x. Pumatak na
ang ikapito ng umaga ng ako'y magkamalay. Kaarawan ngayon ng aming butihin at
pinakamamahal na Pastora. Kung di dahil sa kanya ay may natutuhan ako tungkol
sa salita ng Diyos at ibig ko siyang handugan ng regalo bilang pasasalamat.
Biglaan at di ko ito napagplanuhan kaya palaisipan kung ano ang ireregalo sa
kanya. Mabuti na lamang at may Lotion akong di gasinong
ginagamit at iyon ang naisipang pangregalo sa kanya. Nagbalot muna ako ng
regalo bago magtungo sa JOLIA Church. Malapit ng
mag-ikasampo ng magtungo ako roon at nadatnang umaawit na sila. Matapos ang
mahigit sa anim na buwan ay ngayon lamang nakadalo sa kanilang pagsamba at
marami ang nagbago sa loob ng kanilang kapilya. Bukod pa roon ay may Screen
projectorna sila, kaya di na kailangan pang magbuklat ng bibliya upang
hanapin ang Verse sapagkat makikita na sa Projector.
6r-y. Ibang klase
na talaga ang pagsamba nila at Hi-tech na. Pagkatapos ng worship ay
nagsalita si Pastora Anna sa harapan. Tungkol sa pagsunod sa
Diyos maging sa nakakatanda ang tinalakay niya sa amin. Natutuwa ako kay
Pastora sapagkat panay ito sa pagtawa habang nagsasalita at ang saya-saya niya.
Kung kailan nasa kalagitnaan na ng pagtuturo ay bigla akong nagutom. Ibig ko na
sanang umuwi pero hiya ang pumigil sa balakin. Ang bait talaga ng panginoon at
di niya ko hinayaang magutom ng husto. Nang matapos ang Bible Study at
hulugan na ng pera, iniabot ko na kay Pastora ang regalo sabay binati. Panay
kumbida siya sa akin na makisalo mamaya sa kanilang kainan subalit sa hiya at
gawa na mag-aaral pa ko, nagawa kong tumanggi.
6r-z. Ang sasarap
pa naman ng kanilang handa at tamang-tama sa sikmurang kanina pa kumakalam pero
prinsipyo ang pinairal ko. Maging sila Ate Ging ay di na rin
nakasalo sa handaan at nakisabay sa kanila sa pag-uwi. Sa tindi ng gutom ay
diretso lamon ako pagdating sa bahay. Matapos ay nag-siyesta ako. Kinahapunan
at pagkagising, nakita kong kumakain sila Mama ng Pizza. Hindi
pangkaraniwan ang Pizza na iyon at maraming kakaibang sahog,
sa takam ay diretso ako sa pagbanat pagkabangon. Halos lumubo na ang tiyan sa
dami ng kinain at ang sarap talaga. Maya-maya, ipinabatid ni ate sa akin na
bibisita raw sila Tita Cleo kina Ninang
Edith at inaaya ako.
6s-a. Matagal-tagal
na rin kaming di nagkikita ng Ninang at sa kagustuhang dalawin ito at
kamustahin, daglian akong nagbihis. Ilang sandali pa, nagtungo na ako sa Iglesia
ni Cristo doon sa Manggahan at doon sila inabangan.
Makalipas ang mahigit sa dalawang oras na paghihintay, dumating na sina Tita
Cleo. Tanging sina Tita Cleo, Tito Lito at Angelle lamang
ang nakasama ko sa pagtungo sa bahay ng Ninang Edith at wala
ang Tita Susan pagkat nasa Batangas raw ito. Pagkaalpas namin ay
nanlaki ng husto ang mata sapagkat malamansyon ang pamamahay nila at
kaaya-ayang pagmasdan. Bukod kay Ninang Edith ay naroon rin
sila Lola Belen, Tita Dinya at Tito Levi at
kamustahan kaming magkakamag-anak.
6s-b. Sa ganda at
aliwalas ng bahay ay wala ng iba pang papangarapin kapag nakatira roon. Panay
libot ang paningin ko sa malamansyon nilang bahay kahit kinakausap at wala na
halos masabi. Maya-maya'y ipinasyal kami ng Lola Belen hanggang
sa marating ang Rooftop, ang tayog pala ng bahay nila at abot
hanggang tatlong palapag. Sumakop na ang dilim ng magpaalam kami sa kanila,
ibig ko pa sanang manatili roon subalit di na maaari. Sana balang araw ay
maging katulad ng bahay nila ang magiging bahay ko, ayos na rin ang simple
basta malinis at komportableng tirhan. Nanood muna ako ng television pagdating
sa bahay at sa pagod, matapos ay di na nakapag-aral pa at kaagad ng natulog.
July 20, 2015
Monday
Year III-201
6s-c. Kasing sarap
muli ng pagkaing pangmayaman ang tulog ko, kaya sumiklab na ang liwanag ng
ako'y magising at bumangon. Sa aking paggising, malabahaghari muli ang araw ko
sapagkat makulay at kay sarap mamuhay ng matagal kapag ganito parati ang
nararanasan at walang pinoproblema. Matapos mag-almusal, sinimulan ko ng
magrepaso. Asignaturang Statistical Science at Theories of
Personality ang pinag-ukulan ng pag-aaral, dalawang subject na
di basta-basta kaya dibdiban kong nirerepaso. Kahit gaano katutok ang mata,
hirap pa ring itatak sa isipan ang nirerepaso at sumasakit lamang ang ulo ko.
Naalala ko dati, ng ako'y nasa elementarya at sekondarya, madali namang
pumapasok sa isipan ang inaaral at nakaukit pa rin kahit ilang araw ng di
ratsadahan, pero bakit tila pumupurol na ang memorya at nahihirapan ng
magkabisado.
6s-d. Bukod pa roon
ay nakakalimutan ko kung anuman ang binasa. Sana'y sumagi sa isipan ang mga
sagot pagdating ng pagsusulit. Kahit nahihirapan na at halos bumigay na ang
utak sa dami ng ipinapasok, nagpatuloy pa rin ako sa pagrerepaso hanggang sa
magtanghaling-tapat. Pagsapit ng tanghali, tila bumabalik muli ang Summer sapagkat
dama muli ang maalinsangang panahon. Sa init, tila tinatamad ng mag-aral,
pansamantala munang nag-siyesta. Pagkagising, ipinagpatuloy ko ang
pagrerepaso. Pagsapit ng halos magtatakip-silim, biglang dumilim ang
kalangitan. Nasa isip nanaman na bubuhos ang ulan. Mistulang gabi na sa itim ng
kaulapan at kahit di na maaninag ang sinusulat sa sobrang dilim, di ko itinigil
ang pag-aaral. Kumabog sa takot ang dibdib ng biglang makarinig ng malakas na
kulog. Sa takot, may pagmamadaling iniligpit ang gamit at nagtalukbong.
6s-e. Maya-maya'y
bumuhos na ang malakas na ulan na sinabayan pa ng hangin. Balisang-balisa ako
ng panahong iyon at mapakapit na ng husto sa tindi ng nararanasang takot. Sa
tindi ng bayo ng ulan at hangin, hindi maiwasang isipin na magugunaw na ang mga
kabahayan. Humupa naman ang Thunderstorm bago sumapit ang gabi.
Pasalamat kami at di naman bumaha. Ilang sandali pa, hapunan na at kami'y
kumain. Kung kanina ay naranasan namin ang bagsik ng panahon ay wala pa sa
kalingkingan sa mga lalawigang binaha at lagpas tao na ang taas ng baha. Grabe
pala ang ulan na ibinuhos ng Habagat sa kanila at kaya ng
lunurin ang buong probinsya. Mabuti at di nangyari sa amin ang sinapit nila.
Maaga pa ko magigising bukas kaya kaagad ng natulog matapos manood ng
telebisyon. Goodluck na lamang sa Exam bukas
at gabayan nawa kami ng Panginoon.
July 21, 2015
Tuesday
Year III-202
6s-f. Maghanda-handa
na sapagkat ngayon ang pagsisimula ng isang linggong pagsusulit at doble-doble
na ang kabang dala sa dibdib. Hindi pa man natayo ang haring araw ng ako'y
bumangon at mag-almusal. Panay upak sa mukha upang mabawasan ang pagkapungas at
pumipigil ang matinding kaba sa aking pagpasok. Wala naman nagawa ang kaba at
nakapasok pa rin. Pagdating sa unibersidad, tanging mga kamag-aral ko pa lamang
ang nadatnan. Habang wala pang proctor, sinamantala ang oras sa
pagrerepaso. Dahil sa namamayaning ingay, hindi tuloy ako makapag-aral ng
maayos. Maya-maya'y pumasok na ang Proctor namin at laking gulat at
tuwa namin sapagkat si Ma'am Joyce ang naging Proctor.
Dahil si Ma'am Joyce ang Proctor ay napawi
ang kaba ko't napanatag ang kalooban. Statistical Science ang
una namin naging pagsusulit. Kahit paano'y nadalian ako sa mga tanong at
kumpiyansang makakatamo ng magandang marka.
6s-g. Nahirapan
lamang ako ng bahagya pagdating sa kalagitnaan at more on solving na
ito! Sa dami ng dapat kalkulahin, halos di na magkadaugaga. Sumakit ng husto
ang ulo sa kaka-solve ng mgaequation. Maya-maya'y natapos ko din ang pagsusulit. Sa tagal ng panahon na di
kami nagkita ni Ma'am Joyce at sa sobrang pagka-miss na
rin sa kanya, kinapalan na ang mukhang kausapin ito. Hindi naman siya nakaka-intimidate at
sa katunayan ay pinaram niya ang sakit ng ulo ko likha ng pagsusulit. Parang
magkapantay lamang kami ng katayuan sa buhay kung makipag-usap sa akin. May mga
bagay pa nga akong itatanong sa kanya, kaso pinangunahan na ng hiya. Wala ng
kasunod pang pagsusulit kaya umuwi na kami.
6s-h. Malapit ng
mag-ikasampo ng makarating sa bahay at sa gutom, kaagad ng kumain. Matapos ay
sinimulan ko na ang pagrerepaso. Sa kagustuhang makakuha ng napakagandang
marka, maghapon akong nagrepaso at halos tumirik na ang mata. Hindi ko lang
maiwasang mairita sa sarili dahil kahit anong naisip na paraan sa
pagkakabisado, di naging epektibo upang pumasok agad at nakakaligtaan pa rin.
Ibig ko ng mag-siyesta pero di maari sapagkat di ko ibig masayang
ang bawat sandali. Itinigil ko ang pagrerepaso pagsapit ng gabi at tamang relax muna
sa panonood ng paboritong programa.
6s-i. Nakakapanggigil
lamang ang natunghayan ko sa Nathaniel sapagkat kapag ang
mayaman ay nagkasala, hindi makulong-kulong at nangangailangan pa ng matibay na
ebidensiya pero kapag mahihirap at walang laban, mas maaga pa sa Alas-kwatro
ang bagsak sa selda kahit di na kailangan ng ebidensiya. Tila sinasalamin ng
palabas ang tunay na nangyayari sa ating bansa at sa palagay ko, mukhang may
kinikilingan ang batas pagdating sa mga nasasakdal at di pantay-pantay ang
pagpataw ng parusa. Kawawa tuloy ang pamilya nila dahil di makamit ang
hustisya. Kahit mayaman o mahirap, basta may ginawang kasalanan ay dapat
managot.
July 22, 2015
Wednesday
Year III-203
6s-j. Kalat na
kalat na ang liwanag ng ako'y magmulat at bumangon. Napakasigla muli ng
kalooban ko at animoy napakakulay ng umagang aking kinakaharap. Dami muling
hugasin sa lababo kaya iyon muna ang inatupag matapos mag-almusal. Maya-maya
pa, sinimulan ko ng magrepaso. Asignaturang English at Theories
of Personality ang nirepaso ko. Sa awa naman ng maykapal, madali
namang pumasok sa kukote ang inaaral, kaso nga lang kung kailan nasa
kalagitnaan na ay tila nawawala na ko sa pokus at kung ano-ano na ang sumasagi
sa isip. Pilit ko man isantabi pero nangyayari pa rin. Pagsusunog kilay lamang
ang siya kong inatupag hanggang sa magtanghali. Nawa'y maalala ko ang mga sagot
kapag nakasalang na ang mata sa pagsusulit. Kahit Alas-tres pa ng hapon
gaganapin ang aming pagsusulit, Ala-una pa lang ay nilisan ko na ang tahanan,
sa takot na abutan ng ulan at ma-stranded sa daan.
6s-k. Pagdating sa
Unibersidad, kaagad akong dumeretso sa Library. Pagkarating ay
saktong nasilayan sila Gelo at Vanessa, nakisabay
ako sa kanila. Habang humihinga pa ang oras ay tamang pagrerepaso lamang kami.
Kung kailan napipinto na ang pagsusulit, doon naman ako tila nabablangko,
bahala na mamaya. Makalipas ang halos isang oras, tumungo na kami sa
kanya-kanyang silid. Hindi pa man sumasapit ang itinakdang oras ng pagsisimula
ng aming pagsusulit, pumasok na agad ang Proctor at iyon ay
si Sir Bermundo. Halos di na makahinga sa sobrang higpit niya sa
pamamahala at kailangan ay magkakasunod ang nagparehistro sa attendance base
sa ayos ng upuan.Theories of Personality ang una namin naging
pagsusulit, naging madali lamang ito sa akin at di rin gasinong karami
ang items kaya kaagad na natapos sa pagkuha ng pagsusulit. Iba
talaga ang buhay kapag nag-aaral ng mabuti at kahit sa palagay natin ay
mahirap, madali lang pala.
6s-l. Pagkalabas
namin, bumungad agad ang napakadilim na kalangitan at namutawi muli ang takot
sa dibdib pagkat kumukulog at nakidlat at bubuhos nanaman ang ulan. Sa takot ay
ibig ko ng pumasok sa silid subalit di maaari pagkat may nag-eeksam pa,
nilabanan ko ang takot. Hindi tuloy makapagrepaso ng maayos dahil sa
nararanasang takot. Maya-maya pa'y bumuhos na ang napakalakas na ulan. Animoy
kayang sumunog at pumatay ng libo-libong katao sa talim ng kidlat at mayanig
kami ng husto pagkat malagranada ang lakas ng kulog. Habang ako'y balisa na sa
takot, panay arung-arungan ang mga kamag-aral ko't tila tuwang tuwa sa ngitngit
ng kalikasan. Nabawasan naman ang takot ng makapasok sa silid at nakapagrepaso
ng maayos.
6s-m. Ilang sandali
pa, dumating na ang Proctor namin. English ang
sunod naming pagsusulit at lubhang napakarami ng Items.
Nakapagrepaso ako pero tila mas mahirap ng bahagya kumpara kanina't halos mangamote
na sa pagsagot.
Nangangalahati pa lang ako, tapos na ang ilan kong mga kamag-aral at kay
tutulin naman nilang sumagot. Tumila na ang ulan paglabas ko at sumapit na ang
gabi. Sina Stella, Princess, Mika at Joan,
mga kamag-aral sa Dash 1 ang nakasabay sa pag-uwi at labis ko
silang na-miss. Ang masinsinang kwentuhan, nauwi sa katatawanan at ang
ingay tuloy namin sa Jeep. Naging makulay at masaya ang gabi ko
dahil sa kanila at sana'y makasabay ko silang muli. Pagtungtong sa may Sandigan,
lubhang trapik sa IBP road kaya ginabi ako ng husto sa
pag-uwi. Diretso kain at panood agad ng telebisyon ang inatupag pagkaalpas ng
tahanan. Medyo inaantok na rin ako kaya diretso tulog matapos manood ng
telebisyon.
July 23, 2015
Thursday
Year III-204
6s-n. Tuluyan nang
naparam ang antok ko, kung kaya Alas-sais pa lamang ay bumangon na ko. Dami
muling hugasin sa lababo at nanggigitata sa kadumihan ang sahig, iyon muna ang
pinag-ukulan ng panahon bago magrepaso. Mabuti na lamang at may nalalabi pa
kong lakas matapos ang gawaing bahay kung kaya ganadong-ganado pa ring
mag-aral. Madali naman pumapasok sa utak ang mga inaaral, kaso ay naantala ang
pag-aaral ko kapag may bumibili. Wala kasi ang ilaw ng tahanan at may ginagawa
naman ang haligi ng tahanan, pinagsabay ko ang pag-aaral at pagtitinda. Sa
totoo lamang ay mahirap iyon pagsabayin at nagugulo ang isip ko. Sadyang kay
tulin ng oras at di namalayang malapit ng magtanghali. Sa takot na kapusin sa
panahon, medyo naghahabol na sa pag-aaral at labis akong napi-pressure.
6s-o. Pagsapit ng
tanghaling tapat, anong init muli ang aming nadarama. Sa sobrang aliwalas at
linis ng kalangitan, mukhang malabong umulan mamaya. Kumakalam na rin ang
sikmura kung kaya pansamantalang ko munang itinigil ang pagrerepaso at
nananghalian. Matapos ay nagrepaso nanaman. Siyesta time muli
kung kaya umiral na ang antok sa 'king mga mata. Hindi ko ibig ang masayang ang
oras kung kaya lakas loob na nilabanan ang antok. Lalo tuloy di pumapasok sa
isipan ang inaaral dahil sa namamayaning antok. Gumawa na lang ng paraan para
di antukin. Tumalab naman ang pamamaraan ko at kinalaunan ay tuluyan ng napawi
ang antok. Muntikan ng sumabog ang utak ko sa dami ng impormasyong isinusuksok
pero buti na lang at di nangyari. Pinagpahinga naman ang utak kinalaunan at
naisipan kong lumabas at magkumpyuter.
6s-p. Sa labis na
humaling, naghihingalo na ang liwanag ng ako'y umuwi. Nagliliyab na sermon ni
ina ang inabot ko pagdating sa bahay at kita ko sa mukha niya ang galit. Kahit
na mapupusok ang kanyang mga sinasabi ay hinayaan ko na lang ito at di sinagot.
Pagsapit ng gabi, panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Ang gaganda sana ng
mga eksena, kaso nakulog at nakidlat naman, labag man sa kalooban ay pinatay ko
na't nag-aral na lamang. May burol muli sa lugar namin at di tuloy makapag-aral
ng maigi dahil sa ingay ng mga nagsusugal. Hindi ko lang lubos mabatid na kung
bakit tuwing may patay, pinamumugaran ng Jueteng at ang
liligalig pa na tila di na marunong rumespeto sa namayapa. Sa pagkakaalam ko'y
tuwing may patay ay dapat ay tahimik at bawal ang maingay bilang pagrespeto sa
mga nagluluksa, pero baligtad ang nangyayari sa amin at nagkakasiyahan pa sila
sa Jueteng. Sa ingay, nawalan na ng gana sa pag-aaral at
natulog.
July 24, 2015
Friday
Year III-205
6s-q. Naging
malinamnam muli ang tulog ko kung kaya tinanghali na ng gising. Ano pa nga ba't
pagkatapos mag-almusal ay pagrerepaso muli ang inatupag ko. Kung kailan
napipinto na ang aming pagsusulit, saka naman di makapasok pasok sa utak ang
inaaral at nakakaligtaan ang impormasyong nababasa. Nawa'y maalala ko ang sagot
kapag nakasalang na sa pagsusulit. Dakong tanghali ng ako'y magbihis at tumungo
sa Unibersidad. Pagkatungo roon, di inasahang magkukrus ang landas namin
ni Timothy James. Hindi pa rin kumukupas ang kakisigan nito at
kahit sinong bakla o babae ay magkakandarapang sulutin ito pero ni katiting na
kilig ay di na kumurot sa aking puso. Hindi ko mabatid kung bakit nawala na ang
pagtingin sa kanya at tanggap na ng puso na di kami para sa isa't isa.
6s-r. Pagkatapos
niya'y sino nanaman kaya ang makikilala ko na kababaliwan at magpapatibok sa aking
puso? Siya na kaya ang para sa akin? Sana nga. Kahit gusto ko na, hindi maaari
at pag-aaral muna ang dapat pag-ukulan ng pansin. Aral muna bago landi. Wala pa
ang aming Proctor pagdating ng yapak sa silid. Hangga't may
nalalabi pang panahon ay sinamantala ko iyon sa pagrerepaso. Maya-maya'y
pumasok na ang aming proctor at nagsimula na ang pagsusulit. Education
6 ang naging pagsusulit namin, kahit sangkatutak ang dami ng aytems at
sa dali, kaagad ko naman natapos ang pagsusulit. Nag-uumapaw talaga ang
pasasalamat ko sa maykapal dahil hindi niya ko pinabayaan at pinapaalala sa
akin ang mga sagot. Hindi muna ako agad umuwi at hinintay lumabas sina Mika.
Pagkalabas nila, umiral muli ang tuwa sa dibdib kahit mababaw dahil may kasabay
muli sa pag-uwi.
6s-s. Habang lulan
ng bus ay wala kaming ibang inatupag kundi mag-Selfie at
nagiging Pabebe na ang mga posting. Mabuti na lang at
di ako nahahawa sa kanila.
Sa halip na umuwi, dumeretso muna ako sa Computer Shop.
Madilim nanaman ang kapaligiran at napipinto muli ang pagbuhos ng ulan, di
naman malakas ng bumuhos ito kung kaya di gasinong nabasa. Sumapit na ang
ikalima ng hapon pagdating ng bahay. Pagsapit ng gabi at matapos manood ng
paboritong programa, pagrerepaso muli ang inatupag ko. Kahit maingay ang
kapaligiran dahil sa mga adik sa sugal, nagtiyaga na lamang ako't ipinagpatuloy
ang pag-aaral. Kung gusto mo talagang makamit ang isang bagay, gagawin at
gagawin ang lahat kahit may bumabalakid pa, makuha mo lang ito. Parang pag-ibig
lang iyan na kailangang ipaglaban para di mawasak ang pagsasamahan niyo. Sa
sipag ko sa pagsusunog kilay, inabot na ko ng madaling araw na dilat pa rin ang
mata at labis na nagpakapuyat.
July 25, 2015
Saturday
Year III-206
6s-t. Sa sobrang
takaw at siba sa pagtulog, tinanghali muli ako ng gising. Tila bitin pa rin ang
oras ng aking pagtulog kahit tinanghali na't umiiral pa rin ang antok. Ilang
araw na rin akong di nakakapag-access sa Internet sa
sobrang abala sa pag-aaral at nilibang muna ang sarili doon. Pagsapit ng
tanghali at bago tumungo sa Eskwela, pamamalantsa ang inatupag ko. Sabado na at
idagdag pa ang maalinsangang panahon na kayang tumupok ng balat kaya katamad ng
pumasok. Gustuhin mang huwag ng pumasok pero di maaari at may nalalabi pang
pagsusulit. Habang patungo sa eskwela'y halos mahilo ako sa tindi ng init at
ang init ay di pangkaraniwan. Wala pang proctor pagkapasok sa
silid kaya nagrepaso muna ako. Gawa na maingay sa silid, di na nakapagrepaso pa
ng ayos. Nagpanaig na rin sa tuksong makipagdaldalan kina Medina at Faye.
Nawala man sina Anne Rose bilang kaibigan ko dahil sa bagay na
di pagkakaunawaan ay pumalit naman sila.
6s-u. Ilang sandali
pa, pumasok na ang aming Proctor at Cognitive
Psychology ang naging pagsusulit. Nagrepaso ako sa asignaturang ito pero
medyo nahihirapan sa pagsagot. Sa hirap, nagawa ko ng mag-Madam Auring.
Bahala na sa magiging resulta ng pagsusulit. Matapos ay lumabas muna kami at
doon nagrepaso. Ng matapos ang lahat sa pagkuha ng pagsusulit, saka lamang kami
pumasok sa silid. Katamad talagang mag-aral kung maingay kaya nakipagtsikahan
na lamang. Lumipas ang isang oras, pumasok na ang amingProctor at Zoology
2 ang sunod na pagsusulit. Di hamak na mas mahirap ito kaysa sa una at
kahit pigain na ng husto ang utak, wala pa ring maisagot. Sa muling pagkakataon
ay nanghula-hula na lamang ako. Maaga pa at di ko pa ibig ang umuwi kung kaya
binalak kong magtungo kila Ate Anne.
6s-v. Kasama sina Faye
at Medina, sapalaran sa amin ang maghanap ng masasakyan
sapagkat punuan at mukhang malabo ng matuloy ang balak ko. Nakasakay naman ako
kinalaunan kaso pagkadako sa may Tungko, biglang bumuhos ang
napakalakas na ulan.
Sumilong muna ako at hinintay na tumila ito. Sa sobrang lakas at tagal
talaga ng ulan, napagpasyahang huwag ng ituloy ang pagtungo kina Ate
Anne at umuwi na lang. Kahit bumabayo na ang malakas na ulan at Zero
Visibility na ang kapaligiran ay lakas loob ko itong sinuong,
makasakay lamang. Mistulan ng basang sisiw pagkasakay sa Bus at
pagdating sa SM, biglang nag-usad pagong ang takbo ng bus hanggang
sa di na ito gumalaw. Patay at mukhang gagabihin na sa pag-uwi.
6s-w. Sa sobrang
tagal na naipit sa mabigat na trapik, inabot na ko ng gabi at ngatog na ngatog
na sa ginaw at kumakalam na ang sikmura sa gutom pero ang lahat ng iyon ay
tiniis ko. Laking pagsisisi ko at dapat ay di na lang itinuloy ang balak. Sumapit na ang
ikawalo ng gabi ng ako'y makarating sa bahay at sa tindi ng gutom, diretso ako
sa paglantak ng ulam. Maya-maya'y nanood ako ng telebisyon, sobrang ganda muli
ng istorya sa MMK at makapukaw damdamin pa sapagkat tungkol
naman iyon sa isang babae na namuhay kasama ang tatlo niyang lola. Nakakatuwa nga
lamang dahil magkasabay na inaruga at inalagaan ng tatlong lola ang bata at
itinuring na parang tunay na anak. Minsan pa nga ay nagtatalo na silang tatlo
para lang maipakita ang pagmamahal sa bata. Napakapalad niya pa rin kahit
ibinanduna ng ina dahil may tatlong lola ang nagmamahal sa kanya. Matapos ay
kaagad na kong natulog.
July 26, 2015
Sunday
Year III-207
6s-x. Matapos ang
higit sa isang Linggo na bugbog ang mata at utak sa pag-aaral at ilang araw na
di nakakapag-siyesta at nagpapakapuyat ay ngayon lamang
makakapaghinga ng matiwasay at pwede ng magbuhay alamang. Natutuwa ako sapagkat
nairaos din ang aming Preliminary Exam ng walang
kahirap-hirap, kaso nga lang ay panibagong hamon muli ang kakaharapin
ngayong Midterm period at batid kong di na gaya ng
nakaraang Prelim ang hirap at pagod na maaari naming matamo at
nangangailangan na ng mas pinag-ibayong pag-aaral. Laganap na ang liwanag sa
kalawakan ng ako'y magising at bumangon. Gawa na wala ng ginagawa, nagkaroon na
ng oras upang gampanan ang gawaing bahay. Mabuti na lamang at sumilip ang
haring araw at sinamantala ang pagkakataong maglaba.
6s-y. Matapos
maglaba, pagbabantay naman sa tindahan ang inatupag ko. Natutuwa pa rin ako
kahit na minsan ay nakakaramdam ng badtrip sa mga bumibili
dahil masigla naman ang bentahan at sila ang mitsa kung bakit unti-unting
umaangat ang aming negosyo. Kaso nga lamang, karamihan sa bumibili sa amin ay
puro alak at sigarilyo. Kawawa nga naman sila sapagkat iginugugol lamang ang
buhay sa sugal, alak at sigarilyo at unti-unting sinisira ang kalusugan.
Mapalad ako sapagkat di nahilig ang mga magulang sa ganyang gawain at marunong
magpahalaga sa kalusugan kaya kahit nagkakaedad na'y malalakas at malulusog pa
rin sila. Hindi ko mabatid kung bakit maraming ganyan klaseng tao sa lugar
namin. Mga dakong tanghali na ng itinigil ko ang pagtitinda at nag-siyesta.
Pagkagising, anong itim muli ng kalangitan at nagbabadya muling bumuhos ang
ulan. Gawa na di pa naliligo, mistulan akong paslit na nasasabik sa haplos ng
ulan.
6s-z. Maya-maya'y
bumuhos na ang ulan. Kaasar nga lang dahil di kalakasan ang ulan at umihip
lamang ang malakas na hangin, sa halip na maligo'y parang binasa lamang ang
sarili. Nagkaroon tuloy ako ng sipon matapos magpabasa sa ulan subalit di
nagpahalata sa takot na makarinig ng maaanghang na salita. Pagsapit ng gabi,
halos mawasak na ang aking pandinig sa sobrang ingay sa lugar namin. May
nagbibidyooke at may nagsusugal pa at tila wala ng masumpungang katahimikan.
Sumapit na ang hating-gabi subalit di pa rin makatulog dahil sa ingay ng mga
nagsusugal. Sa ginagawa nga naman nila, mukhang pinaparusahan ang sarili
sapagkat bukod sa alak, sigarilyo at sugal ay nagpapakapuyat din sila. Hindi ko
naman sila maaring pagsabihan dahil buhay nila iyan at di ko iyon hawak. Bukod
pa roon, ang iingay pa at walang konsiderasyon sa mga natutulog na. Bahala na
ang Diyos na humatol sa kanila at di maglalaon ay sisingilin sila sa kanilang
pinaggagawa. Sa sobrang irita ko, muntikan ng balibagin ang bintana.
July 27, 2015
Monday
Year III-208
6t-a. Ikaanim at
huling SONA na ng ating Pangulo. Maligaya nanaman ang araw
bilang buhay estudyante sapagkat wala muling pasok sa eskwela't lumawig pa ang
panahon upang makapagpahinga. Sa loob ng limang taon na panunungkulan ng ating
pangulo, palagay ko'y may ilan naman sa kanyang panukala ang naisakatuparan at
nakatulong sa masang Pilipino. Isa sa bagay na tumatak sa isipan ko
na naiambag ng pangulo sa bansa natin ay ang patuloy na paglago ng ekonomiya.
Kung di dahil sa kanya, kabilang na ang Pilipinas sa
maituturing na Asian tiger economy at nakatulong din iyon
upang lumakas ang turismo. Bukod pa roon ay gumawa rin siya ng mga bagong Expressway tulad
ng TPLEX, CAVITEX at MCEX na
nakatulong upang mapabilis ang transportasyon at makatipid sa oras ng biyahe.
Pero sa kabila na umuusad paitaas ang ekonomiya ng bansa'y marami pa ring
mamamayan ang naghihirap at di man lang makalasap ng kaunting ginhawa. Kahit
binuwag na ni PNOY angPork barrel ay
nakakasigurado akong laganap pa rin ang katiwalian sa gobyerno na siyang
nagpapalubha sa kahirapan ng Pilipino.
6t-b. Baka naman
nasa sariling pagsisikap lang iyan upang makalasap ng kaginhawaan ng buhay.
Iyan ang hirap sa ating mga Pilipino, may mangyari lang na di
maganda sa ating bansa, puro sa pangulo ang sisi at kawawa naman talaga siya.
Dapat ay makipagtulungan na lang tayo sa kanya na paularin ang bansang
tinitirhan, di parating iaasa sa kanya ang lahat ng pangangailangan, tapos
kapag di naisakatuparan, sila pa ang may ganang magalit at magsasagawa pa ng
kilos protesta. Palagay ko, di pa tayo marunong tumayo sa sariling paa at
parating nakabase sa iba o sa pinuno ang hangarin sa buhay. Mukhang malabong
mapunta tayo sa daang matuwid. Dahil walang pasok, dakong ikawalo na ng umaga
nagising.
6t-c. Nakakabato
ang umaga ko at nakakasawang pakinggan ang ingay ng mga nagsusugal kung kaya
naisipang magpatugtog. Lalo pang naging makulay ang umaga ko dahil sa mga
awitin at nakaka-relate. Tamang pagwawalis at pagpupunas lamang
habang nakikinig ng awitin at medyo sinisipag ngayon. Matapos ay pagtitinda
naman ang sunod na inatupag ko. Kahit di business ang kinuha
kong kurso, mukhang may natutuhan na rin kung paano patakbuhin ang negosyo at
sana'y magamit ko ang kaalamang iyon kung sakaling mauwi sa ganon ang kinabukasan
ko. Pagsapit ng hapon, muling nagsaboy ang maykapal ng milagrong tubig. Balak
ko sanang makipagsabayan sa mga naliligo, kaso sindak ang pumigil sa akin.
Kaagad naman tumila ang ulan.
6t-d. Habang
papalapit ang oras ng SONA ni Noynoy ay
patindi na ng patindi ang tensyon sa Commonwealth at para
silang tinakasan ng bait sa mga pinaggagawa. Dakong ikaapat na ng magsimula
ang SONA ng pangulo. Di lamang nakapanood ng maayos sa sobrang
abala sa pagtitinda. Tumagal ang kanyang SONA hanggang sa
sumapit ang gabi pero kahit ganung kahaba ang kanyang Speech,
marami pa rin ang nabitin at nadismaya. Tapos na ang bakasyon at gawa na may
pasok muli kinabukasan, maaga akong natulog. Muling pumait ang pagtulog ko
dahil sa ingay ng paligid at masyado na silang nakakabulahaw, nagtiyaga na
lamang ako.
July 28, 2015
Tuesday
Year III-209
6t-e. Balik eskwela
muli matapos ang ilang araw na walang pasok. Tinatamad lamang magising ng maaga
dala na inaantok pa at di magawang awatin ang sarili sa kama. Sa sarap ng
tulog, dakong ikalima na ng umaga nagising. Batid kong mahuhuli na sa pagpasok
kaya napagpasyahang mamaya na lang dumalo sa klase. Sa halip na ikaanim ay
dakong ikawalo na ng lisanin ang tahanan. Direstso tungo muna ako sa library pagkaalpas
ng yapak sa eskwela at nanatili ng ilang sandali. Maya-maya pa, tumungo na ko
sa silid. Pagkarating ni Ma'am Eloisa, sa halip na magturo ito,
pinapunta niya lang kami ng Auditorium upang manood ng Film.
Lundagan sa tuwa ang mga kamag-aral ko ng sabihin iyon ni Ma'am at kaagad ng
tumungo sa Auditorium. Eksaktong nagsisimula na ang palabas
pagkadako namin doon at halos wala ng maupuan sa dami ng dumalo. Napaka-tragic naman
ng palabas at karumaldumal ang bawat kaganapan na tipong mapapayuko ka sa sobrang
kaba at takot. Habang nanonood ay wala kaming tigil sa paghiyaw at di rin
mapigilang ma-tense.
6t-f. Kaagad naman
natapos ang pelikula subalit di pa kami lumabas at sinubaybayan pa ang kasunod
na pelikula. Ang ganda pa naman, sayang at di ko nasimulan. Maya-maya pa,
nagsimula na ang sumunod na pelikula at laking gulat ko sa napanood dahil puro
kahalayan ang ganap. Bukod pa roon ay hinahaluan pa ng kalaswaan ang gawain
kung kaya di ko gasinong itinutok ang mata sa panonood at piniling
makipagpalitan na lamang ng kuro-kuro. Sa sobrang humaling manatili sa Auditorium dahil
sa lamig, di napansing Ala-una na't kailangan ng lumisan. Naroroon na si Sir
Jenor pagkapasok ng silid. Gumuhit agad ang kaba sa dibdib ng
masilayang hawak na ni Sir Jenor ang resulta ng aming
pagsusulit at isa-isang ibinigay.
6t-g. Pagkakuha
ng Answer card, di ako nagalak sa naging resulta pagkat di
katayugan at kadismaya. Di ko batid kung bakit nagkaganon ang resulta
samantalang nag-aral naman ng mabuti't tila nagkulang ako. Mabigat man ang
kalooban, nagawa naman tanggapin kinalaunan. Bawi na lamang sa susunod na
pagsusulit. Matapos ay inanunsyo ni Sir ang tungkol sa magiging project namin.
Kumunot ang noo ko sa gulat sapagkat mukhang di basta-basta ang kanyang pa-project at
isa pa, sa Biyernes na ang pasahan. Sa sobrang ikli ng ibinigay na panahon ay
tiyak na matinding pressure ang sasagupa sa amin. Nang matapos
ang kanyang anunsyo, nagpangkat-pangkat kami at nagtungo sa kanya-kanyang
kagrupo. Pinag-usapan namin ang tungkol sa gagawing proyekto. Medyo di naging
klaro sa akin ang kanilang pagpapasya sapagkat may kanya-kanyang hangarin.
Nagkasundo naman kinalaunan.
6t-h. Sa oras naman
ng Statistical Science, nagtungo muli kami sa Auditorium upang
manood ng Film showing. Tila kay saya at sarap naman ng araw na ito
sapagkat puro kami panood ng Film at muntikan ng pumuti dahil
ilang ulit ng babad ang sarili sa lamig ng Auditorium. Hindi ko na
tinapos pa ang pelikula at kaagad ng umuwi. Kinagabihan at gawa na di pa
dinadalaw ng antok, matapos manood ng telebisyon ay naisipan kong manood ng
pelikula. Nagliyab sa galit ang kalooban ko ng mapanood ang bata na walang
awang hinahalay ng manyak na lalaki. Di pa nakuntento ang lalaki at matapos
halayin ay pinatay pa. Ito naman ang ina, sa kagustuhang makamit ang hustisya,
di niya napigilan ang sariling patayin ang lalaki ng ibasura ng korte ang kaso
laban sa kanya dahil sa mahinang ebidensya, napiit tuloy siya. Sa aking
pakiwari sa batas nila, tila walang umiiral na Justice at
nakakalaya ang may sala.
July 29, 2015
Wednesday
Year III-210
6t-i. Sa katakawan
kong matulog, halos mag-iikawalo na ng umaga ng magising. Tila matamlay ang
umaga ko't walang kakulay-kulay, naisipan ko muling magpatugtog. Habang
humaling sa pakikinig ng musika'y ganadong-ganadong gampanan ang gawaing bahay.
Pakiwaring napalitan ng sigla ang kaninang nanamlay kong umaga. Kahit
nakakabawas ng lakas ang mga ginagawa sa dami, nakaukit pa rin ang saya sa
mukha dahil nagkakaroon ako ng silbi sa pamilya. Pagtitinda muli ang sunod kong
inatupag matapos ang gawaing bahay. Dahil may lamay, naging masigla ang
bentahan, puro sigarilyo at alak nga lang. Labag man sa kalooban na pagbentahan
sila, di naman maari sapagkat doon nakasalalay ang paglago ng negosyo.
6t-j. Hindi ko
lamang maiwasang mairita sa mga taong walang ibang inatupag kundi bisyo, tapos
nakahubad pa't ipinagyayabang ang Tatto sa katawan. Akala din kung sino
magsalita. Kung makasiga’y akala siya ang hari ng lugar at walang makakapigil
sa kanya. Dami talagang Notorius at Pabebe sa
lugar namin at dala marahil na di sila nagabayan ng maayos habang lumalaki.
Dakong tanghali ng pansamantalang itinigil ang pagtitinda at nananghalian.
Maya-maya, nagtago muli ang haring araw at naging makulimlim ang kalangitan,
bubuhos nanaman ang ulan. Ilang minuto makalipas, bumuhos na nga ang napakalakas
na ulan. Gawa na di pa nakakaligo, nagliwaliw ako sa malakas na buhos ng ulan
kahit kumukulog at kumikidlat. Dahil sa lakas ng ulan, dami rin ang nagsiliguan
at aliw na aliw. Bukod sa umuulan, sumabay pa ang ihip ng hangin kaya lalo pang
gininaw.
6t-k. Isang oras na
halos babad ang sarili sa ulan at ngatog na ngatog na sa ginaw kaya
napagpasyahang magbanlaw na. Dahil sa pagligo sa ulan, sinipon tuloy ng
todo-todo. Nang bahagyang umigi ang pakiramdam at dahil sa may pag-uulat kami
sa darating na Sabado, nagtungo ako sa Computer shop at nag-research.
Hindi biro ang mag-research at kay hirap, ka-stress pa
man din. Sa sobrang tagal, lumagom na ang dilim ng ako'y makauwi. Diretso
panood ng telebisyon ang inatupag pagdating sa bahay. Matapos, kaagad ng
natulog. Kaimbyerna naman ang gabi ko at nasisira na ang tulog dahil sa ingay
ng mga naglalamay. Wala muling ginawa kundi magtiyaga.
July 30, 2015
Thursday
Year III-211
6t-l. Unti-unti ng
naghahari ang liwanag sa labas ng ako'y magising at bumangon. Hindi ako
nagugutom kaya di na nag-almusal pa't pumasok na walang laman ang tiyan.
Mangilan-ngilan pa lang ang kamag-aral ng datnan ko't ipinabatid sa akin
ni Jonica na nagkaroon sila ng Shoot kahapon.
Labis ang guilty ko ng mabatid iyon pagkat ako lang ang bukod
tanging di nakadalo, panay ako sa paghingi ng tawad sa kanya. Sinabi sa akin
ni Jonica ang tungkol sa gagawin at agad ng gumawa ng Script matapos
ang napag-usapan. Ilang sandali pa, pumasok na si Ma'am Ria at
nagsimula na ang pag-uulat. Kahit di ako ang nakasalang sa pag-uulat ay malakas
pa rin ang kaba sa dibdib lalo na ng ginigisa ni Ma'am ang mga nag-uulat,
iniisip ko na baka ganyan din ang gawin niya sa akin. Nang aming breaktime,
tumungo ako sa library at nagkabisado ngscript. Bukod
pa roon ay inaral na rin kung ano ang iuulat.
6t-m. Kahit ilang
ulit basahin at unawain kung ano ang nakasaad ay di pa ring maunawaang lubos at
nahihirapan na ko.
Maya-maya'y tumungo na ko sa silid. Sa oras ng Cognitive
Psychology, namayani ang kaba sa kanya-kanyang mga dibdib ng makitang hawak
na ni Sir Gelo ang resulta ng pagsusulit at isa-isang
ibinigay. Sinabi niya sa amin na kakaunti lamang daw ang nakapasa. Nanlubag ang
kalooban ko ng malamang isa sa nakapasa subalit di ako kuntento sa natamong marka.
Sa halip na kami ang madismaya ay si Sir Gelo pa dahil sa dami
ng bumagsak at kita sa mukha niya ang kalungkutan. Sa kagustuhang pumasa kaming
lahat, nagbigay na siya ng additional points sa amin.
6t-n. Nanaig ang
tuwa sa kanya-kanyang mga mukha ng gawin iyon ni Sir Gelo at
ang bait niya talaga. Animoy nanalo kami sa Lotto. Sana gaya niya
ang iba pa naming professor lalong lalo na si Ma'am
Ria. Matapos ay
inanunsyo ni Sir Gelo na magkakaroon kami ng Group
presentation sa susunod na linggo. Maya-maya'y lumipat na kami ng
silid. Sa oras ng Education 6, isa-isa ng ibinigay ni Sir
Esguerra ang resulta ng aming pagsusulit at umiral agad ang kagalakan
pagkat mataas ang natamong marka. Dahil sa mga nakukuha ko'y lalo pang
ginaganahang mag-aral at manatili sanang ganito ang mga grado ko o di kaya'y
humigit pa. Dahil may General Assembly, maaga kaming pinalabas
ni Sir Esguerra at wala na rin kaming klase sa oras ng PE.
6t-o. Sa halip na
dumalo sa General Assembly, sinamantala namin ang pagkakataong
gawin ang project sa English. Kanya-kanyang pakita
ng hobbits sa eskwelahan habang kinikunan ng kamera't kahawig
na kahawig ang Scene sa Front row. Kaagad din
naman natapos ang Shoot para sa akin subalit di pa nagagawan
ng Ending, di muna kami agad na umuwi. Habang pinag-iisipan kung ano ang
eksena para sa Ending, nilibang muna ang sarili sa
pakikipagtsika. Laugh trip talaga kami't muntikan ng sumakit
ang sikmura sa kakatawa. Alas-kwatro na subalit parang wala namang nangyayari
sa shoot namin. Wala kaming kamalay-malay, pinagsasama na ang
mga nagawang Video upang maging movie at
napagpasyahan ng leader na di na gawin ang Ending,
umuwi na lamang kami.
6t-p. Dahil sa
paghihintay sa Ending, nasayang lamang ang oras at di sana, kanina
pa nakauwi. Sa pagod ay diretso hilata ako sa kama. Kinagabihan, sa halip na
manood ng telebisyon ay inalaan ko ang oras upang paghandaan ang pag-uulat.
Batid ng isip na may pagkamataray pa naman si Ma'am Ria kapag
di nagustuhan o maayos ang pag-uulat at sa takot na pakitaan ng bagsik ay
todo-todo na ang aking paghahanda. Para na ngang tinatakasan ng bait kung
magsalita mag-isa, ma-master ko lang kung anong sasambitin. Dakong
ikasampo na ng mapagpasyahang matulog.
July 31, 2015
Friday
Year III-212
6t-q. Kay tulin nga
naman ng usad ng panahon at di namalayang nasa huling araw na ng buwang ito.
Malapit ng maghari ang liwanag ng ako'y mamulat. Sa tindi ng antok, di ko
maidilat ng maigi ang mata't kusang pumipikit. Pagdating sa eskwela, nadatnan
kong wala pang guro. Mayroon palang takdang-aralin sa Zoology 2 kung
kaya habang wala pa si Sir Patrick ay may pagmamadali ng
sumagot. Ilang saglit pa ang lumipas, pumasok na si Sir Patrick.
Wala kaming ibang ginawa sa buong oras na iyon kundi siyasatin at pag-aralan
ang parte ng buto ng Manok at Pating at halos maduling na nga. Mistulan
kaming Biologistsa ginagawa sa halip na Psychologist at
di ko sukat maunawaan kung bakit kailangan pang pag-aralan ang tungkol sa mga
hayop samantalang di naman kakailanganin iyon sa aming trabaho. Nasusungitan
din ako sa aking ka-partnerat tipong kay hirap niyang pakitunguhan,
pinagtiyagaan ko na lamang. Laking tuwa ko talaga ng mapalitan ang katuwang
kinalaunan subalit lumiban naman ito sa klase.
6t-r. Maaga kaming
pinalabas ni Sir Patrick. Sa halip na lamnan ang sikmura, daglian
akong tumungo sa silid. Maya-maya pa'y pumasok na si Ma'am Eloisa.
Sa kanyang pagpasok ay nagtanong agad ito kung sino raw ang may aklat at
nagbasa. Kay simple ng kanyang katanungan subalit di kami makasagot-sagot
sapagkat aminadong walang nagbabasa ni isa sa amin. Hindi ikinagalak ni Ma'am
Eloisa ang naging katugunan namin at lubhang nadidismaya na ito. Sa
halip na magturo, pinaulanan niya kami ng naglalagablab na sermon. Kahit gigil
na gigil na si Ma'am ay di man lang lumukob ang kaba sa dibdib at pakiwaring
pinagsasabihan niya lang kami.
6t-s. Ang dating
si Ma'am Eloisa na kinamumuhian ang pag-ulatin ang kanyang
estudyante sa harapan ay napipilitan ng gawin at kami'y kanyang
pinagpangkat-pangkat. Nang mapag-pangkat at makapili ng leader ay
tumungo ang leader sa harapan upang bumunot. Malas nga lang
sapagkat ang pangkat namin ang mauunang mag-ulat. Matapos magpag-usapan ang
tungkol sa report, isa-isang ibinigay ni Ma’am Eloisa ang
resulta ng aming pagsusulit sa prelim. Labis akong nanlumo sapagkat
wala pa sa kalahati ang natamong marka. Ang hirap ba naman ng pagsusulit kaya
madaling ibagsak.
6t-t. Maya-maya
pa'y lumabas na kami't pinag-usapan ang tungkol sa gagawing presentasyon.
Doble-doble na ang kaba sa dibdib dahil bukas na ang pag-uulat sa Theories
of Personality at sa takot na mapahiya at mautal ay nagpasya ng umuwi
upang ihanda ang sarili. Pagdating sa bahay ay walang ginawa sa maghapon kundi
magsaulo at unawain ang iuulat at mistulan na ngang buwang dahil iniensayo ang
aking sasabihin. Hindi ko batid kung ano ang maaaring mangyari bukas at bahala
na. Marahil kapag dumarating ang ganitong pagkakaton ay kailangang maging
handa't alisin ang kaba sa dibdib. Pilit kong sinasanay ang sarili na huwag
kabahan pero bumabalik pa rin. Diyos na ang bahala sa akin at palakasin niya
nawa ang loob ko. Pansamantala kong itinigil ang pag-aaral pagsapit ng gabi at
nanood ng telebisyon. Kahit paano'y nawawala na ang kaba sa dibdib at
handang-handa na ang sarili para bukas. Matapos manood, daglian na kong
natulog.