Martes, Hunyo 30, 2015

30. June 2015 Journal (Day 882-911)

June 01, 2015
Monday
Year III-152

6k-x. Unang araw ng pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral sa lahat ng pampublikong paaralan. May pasok na subalit heto pa rin ako at patuloy na ninamnam at sinusulit ang nalalabing araw ng bakasyon at sana'y makagawa pa ako ng mahahalagang bagay bago magtapos ang aming bakasyon. Dakong ikaanim ng umaga na nagising at kaagad na binuksan ang Telebisyon. Kasabay ng pagbubukas ng klase ang bulto-bultong dagsa ng mga estudyante sa iba't ibang paaralan at di na mahulugang karayom an dami nila. Ang mga problemang kinakaharap tuwing pasukan ay wala pa ring pagbabago dahil may mga paaralang kulang sa silid o di kaya'y maliit ang espasyo, kaya naman ang mga mag-aaral ay nagtitiis sa pagsisiksikan.

6k-y. Kawawa naman ang kanilang pag-aaral kapag ganoon parati ang sitwasyon at sana’y mabigyan na iyon ng solusyon, idagdag pa ang init.  Marahil ay isa sa dapat tutukan ng Gobyerno ang tungkol sa pagsasaayos at pagdaragdag ng mga silid upang masulosyunan na ang problemang taun-taon na lamang kinakaharap tuwing pasukan. Sa pagsisimula ng klase'y kabi-kabila rin ang kilos-protesta upang tuligsain ang K to 12 program at sinasabing dagdag pasakit lamang daw sa mag-aaral ang programang iyon sa halip na makatulong. Sa palagay ko naman ay may maganda naman maidudulot ang programang iyon, palibhasa'y di pa nila nakikita ang kinalalabasan nito at padalos-dalos kasi.

6k-z. Maganda ang programang iyon dahil pwede na sila magtrabaho pagkatapos mag-aral ng di na dumadaan sa kolehiyo. Iyon nga lamang, mga guro naman sa kolehiyo ang lubhang maapektuhan kapag naimplementahan na ang K to 12 sa susunod na taon at sila ang magsa-suffer. Hindi bale, lilipas din iyan dahil lahat ng bagay ay may hangganan. Pagbabantay agad sa tindahan ang inatupag matapos manood. Pagsapit ng tanghaling tapat at kahit Hunyo na ay dama pa rin ang matinding init. Marahil ay epekto na ito na umiiral na El Niño at malabong magkaroon ng tag-ulan ngayong taon. Kawawa naman ang mga magsasaka dahil nalalanta na ang kanilang pananim. Sa panahon ngayon ay laganap na talaga ang tagtuyo sa buong bansa at sana'y umulan na sa mga lugar na lubhang apektado ng El Niño Phenomena. Di ko sana ibig ang mag-siyesta pagkat may gagawin pa subalit di ko na napigil pa.

6l-a. Pagkamulat ay tinamaan nanaman ako ng sipon at panay ang bahing, bukod pa roon ay tila sumasakit din ang ulo. Masamang timpla ang pumigil sa balakin ko ngayong hapon at mas piniling manatili na lamang sa loob ng bahay kahit batong-bato na. Nagpatuloy ang masungit na pakiramdam hanggang sa sumapit ang gabi. Kung kailan malapit ng magsimula ang aming pasukan saka ko naman ito naranasan at huwag na sanang mauwi pa sa pagkakasakit. Sa sama ay di na nagpuyat pa at kaagad na natulog matapos manood ng telebisyon. Paano naman ako makakatulog ng maayos kung gayong maingay ang kapaligiran.


June 02, 2015
Tuesday
Year III-153

6l-b. Hindi na kasing sungit ng kahapon ang pakiramdam ko at bumabalik na sa mabuti ang kalagayan, kaya naman maginhawa ang aking paggising at kay aliwalas ng pakiramdam ko. Sa lambot at kinis ng kama'y ibig ko pang humilata't umidlip ng tagal ngunit tirik na ang araw sa labas at di na nagpatumpik-tumpik pa sa pagbangon. Gawaing bahay muli ang siya kong inatupag matapos mag-almusal at sa araw-araw ay tila di nauubusan ng gawain sa bahay. Mga platong muling nakatambak sa lababo na kailangang hugasan at mga nag-ulputang alikabok na kailangang walisan. Kahit di na matapos-tapos ang ginagawa at araw-araw ay ganito ang inaatupag ay ayos lang naman at di nakakasawa. Mas maiging nagagamit ko ang kamay sa gawaing bahay kaysa naman magmukmok at hintaying sumapit ang Pasko.

6l-c. Nang makapagwalis at punas, pagbabantay muli sa tindahan ang aking pinagkaabalahan. Di ko malaman kung bakit matamlay ang bentahan ngayon at kung may bumibili man ay pawang mga paslit, puro tigpipiso lang naman ang ibinibigay. Kahit piso lamang ay may pakinabang na rin upang lumago ang kita. Maya-maya'y bigla akong nakaramdam ng gutom. Hindi pa pala nakakabili ng ulam o nakakapagluto si ina kaya tiis-tiis muna ang tiyan. Mas maaga pa sa Alas-kwatro ang pagsunggab sa pagkain ng makabili si ina at sabik na sabik  ang sikmurang malagyan. Sa labis na gutom ay naparami ako ng kain, dahilan kung bakit di na ibig ang magtira pa.

6l-d. Pagsapit naman ng hapon at kakagaling lamang sa pagtulog ay kaagad akong lumabas at nagkumpyuter. Habang di maialis ng mata ang tutok sa pagkukumpyuter ay biglang sumagi sa pandinig ko ang malakas na dagundong. Kumukulog pala't nagsasayawan na rin ang mga puno sa lakas ng hampas ng hangin at mistulang gabi na ang kapaligiran. Kanina at habang naglalakad ay maaliwalas pa ang panahon, tapos ngayon ay nagbabadya na ang malakas na ulan. Hindi lamang ako pinalad dahil di nakapagdala ng payong at sa takot na maabutan, inapura ko na ang aking ginagawa. Sa lakas ng hangin ay muntikan na kong mabuwal habang papauwi subalit di naman natuloy ang aking iniisip at sa isang iglap ay lumiwanag na ang kalangitan.

6l-e. Bago umuwi, dumaan muna ako sa bahay ng Ate Let upang manghiram ng Brochure. Ang totoo niyan ay asawa nito ang pakay ko at di Brochure ang ipinunta pagkat may sasabihin ako subalit ipinabatid niyang tulog ito. Kaagad naman ako umalis pagkaabot ng Brochure. Kung kailan malapit ng maghapunan ay saka muling umatake ang pananakit ng ngipin. Halos di na nga makapagsalita sa tindi ng kirot nito. Hindi ko na ibig ang kumain sa takot na matamaan ang apektadong ngipin subalit nagugutom naman ako, di na matiis pang kumain. Bahagya naman naibsan ang sakit pagsapit ng gabi. Hindi pa ko dinadalaw ng antok ng mga sandaling iyon kaya naisipan munang manood ng telenobela. Malapit ng mag-ikalabing-isa na kahit di pa inaantok ay kailangan ko ng ihimlay ang katawan.


June 03, 2015
Wednesday
Year III-154

6l-f. Lahat ng bagay, tao man o pangyayari ay may hangganan. Kung ganito man ang nararanasan ko, umaasang malalampasan ito. Hindi sa lahat ng panahon, parating umaayon sa kanila ang magandang kapalaran at batid ko na maaring magbago iyon. Hindi sa habang panahon na siya ang nangingibabaw at naghahari at darating ang panahon na mapupunta iyon sa iba. Lahat ng bagay ay may hangganan dahil walang forever. Maliwanag na sa labas ng ako namulat subalit di pa kayang iwanan ng sarili ang kamang kay lambot at ibig pang matulog. Tanghali na kaya kailangan ko ng bumangon pagkat marami pang dapat asikasuhin. Dami muling hugasin sa lababo at iyon ang pinag-ukulan ko ng panahon. Ang alikabok, muling namamayagpag sa sahig na kay puti at kinailangan ko muling linisan. Kaagad ko din naman natapos ang gawaing bahay. 

6l-g. Sumunod ay pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko hanggang sa sumapit ang tanghaling tapat. Hindi biro ang maging tindero kapag nagkasabay-sabay ang mga mamimili, lalong-lalo na ang mga bata na hirap kausapin pagkat di malaman kung anong ibig bilhin. Maya-maya'y bigla akong nakaramdam ng antok at nag-siyesta. Dinig muli ng teynga ang pagkulog sa aking paggising at pagkadungaw ay dinaig pa ang uling sa kaitiman ng kalangitan, nagbabadya nanaman marahil ang malakas na ulan. Balot na ng takot ang kalooban ko dahil wala ng humpay ang pagguhit ng matatalim na kidlat at kasing lakas ng granada ang dagundong ng kulog na halos yumanig na ang buong kapiligiran.

6l-h. Wala na ring humpay ang malakas na hampas ng hangin na tipong kayang buwalin kahit malalaking puno. Tila kalagim-lagim na ang nangyayari sa kapaligiran at di lang ulan marahil ang nagbabadya kundi matinding unos. Ilang sandali pa'y bumuhos na ang ulan subalit di naman kalakasan at kaagad na tumila. Habang nakahiga'y biglang inutusan ni ina na ako na ang magluluto ng aming panghapunan dahil pagod na ito. Batid sa sarili na wala akong kakayahan pagdating sa pagluluto pero susubukan ko pa rin. Matapos mag-usap at dahil malapit ng gumabi'y sinimulan ko ng magluto. Maling ang iniluto ko, akala ko'y mahirap pero madali lang pala pagkat ilulubog mo lang ito sa mantika upang maprito.

6l-i. Nilahukan ko na rin ng itlog upang lalo pa silang ganahan sa pagkain. Nang mga panahong iyon ay gulong-gulo ako kung tama ba ang paraan ng aking pagluluto. Nang matapos at sa halip na makamtam ang kagalakan sa dibdib ay nadismaya ako dahil napagalitan ni ina't sinabing palpak raw ang luto ko. Inaamin ko naman iyon dahil mamantika ang Maling ko. Pumalpak man ako ngayon, sisikapin kong maging maayos ang pagluluto sa susunod. Hindi pala biro ang maging Chef. Kahit mamantika at dahil no choice ay hindi na sila naghanap pa at iyon pa rin ang naging hapunan. Nakakairita ang naging gabi ko pagkat kumukulog-kidlat nanaman, di ko tuloy mapanood ang paboritong programa. Sa halip na magtelebisyon ay nanood na lamang ako ng pelikula saCellphone. Maya-maya pa'y natulog na.


June 04, 2015
Thursday

Year III-155

6l-j. Sa lambot at gara ng hinihigaan ay ibig ko pang mahiga ng kay tagal. Pagkatingin sa orasan, eksakto Alas-otso na't kailangan ko ng awatin ang sarili sa higaan. Gawaing bahay muli ang pinagkaabalahan ko matapos magkape. Naging napakabigat ng aking gawain at sa dami'y tila nilubayan ako ng lakas pero kaya pa rin naman. Dahil may pinuntahan si ina, ako muli ang namahala sa tindahan. Hindi ko lamang maiwasang mairita sa mga kostumer na may hawak na malalaking pera at sa halip na bumili, magpapabarya lamang. Tila ginawang money changer ang tindahan namin. Kapag kaya naman ay pumapayag ako pero kapag hindi at mukhang mauubusan na ng pamalit ay tinatanggihan ko na. Manakanaka din ang dating ng mamimili at marahil ay lalakas ang bentahan kapag uwian na ng mga tsikiting. Nagpatuloy ako sa pagtitinda hanggang sa sumapit ang tanghaling tapat.

6l-k. Kinahapunan at gawa na batong-bato at walang makahuntahan, naisipan ko muling gumawi sa bahay nina Angelica. Habang patungo'y saktong nakasalubong si Aling Pammy at ito'y naglalako. Kita ko sa mukha nito ang hirap at pagod na dinaranas habang naglalako. Sa habag at kahit walang dalang kwarta, bumili ako't sinabihang singilin na lamang si ina kapag dumaan ito sa amin. Biglang nagbago ang isip ko ng makita sina Shiela at sa kanila na tumuloy. Mabuti pa ang Shiela na kahit halos magkasing-edad lamang kami'y marami ng alam tungkol sa pagluluto at ipinatikim pa nga sa akin ang niluto nitong nilagang baboy. Naalala ko tuloy ang kapalpakan kahapon ng matikman ang luto niya't di maiwasang maiingit. Hindi bale at nakukuha naman iyan sa pag-aaral upang matutunan ang pagluluto.

6l-l. Maya-maya'y tumungo na ko kina Angelica. Kahit may pinagkakaabalahan ay natuwa naman ako sa kanya dahil nagawa pa rin akong kausapin at siya ang naging libangan ko. Ibig ko pang palawigin hanggang gabi ang pananatili sa kanila pero biglang sumungit ang pakiramdam ko, kinailangan ko ng umuwi. Bahagya naman bumuti ang pakiramdam ko kinalaunan. Kinagabihan ay naging kaabang-abang at kapanapanabik ang eksena sa Pangako sa'yo. Matinding trahedya ang dumating sa buhay ni Amor ng gumuho ang minahan at nalibing ng buhay ang kaanak nito at sintindi ng unos ang kanyang paghihinagpis. Pagkabalik niya galing abroad ay halos mahiwa ang dibdib ko ng marinig ang kanyang sumpa sa lahat ng umapi sa kanya at dinaig pa ang apoy kung magningas ang mukha sa tindi ng galit. Sobrang husay at makabagbag damdamin ang drama at di ko mapigilang manggigil.


June 05, 2015
Friday
Year III-156

6l-m. Nakatanim pa rin sa isipan ko ang naging eksena sa Pangako sa'yo at kung mangyari sa buhay ko ang sinapit ni Amor ay malamang ay masisiraan na ng bait pero di ako makakapayag dahil pipilitin kong kayanin iyon at tuloy ang buhay. Kailangang tanggapin kung anuman ang iyong magiging kapalaran. Masarap pang humilata sa higaan at yupos-yupusin ang malalambot na unan pero tumatakbo ang oras at kailangan ng awatin ang sarili sa higaan. Medyo katamad ang magkikilos-kilos ng husto kung kaya matapos humigop ng mainit na kape, ako'y naupo na lamang sa tindahan at nagbantay. Kadalasang bumibili'y mga paslit at di mapigilang mairita kapag hitsura nila'y gusgusin at kadudungis, nilaliman ko na lamang ang pag-unawa sa kanila't pilit na ipinapakita ang ngiti kapag sila'y kaharap kahit sa loob ay nasusuklam na.

6l-n. Sa katunayan, kahit tindero ako at nakaupo lamang ay iba ang hirap kapag nagkasunod-sunod ang mga mamimili, tapos marami pang pinapabili at nakaka-stress. Hindi ko naman sila masisisi kung magkagayon pagkat pinili naming magtinda. Pagsapit ng hapon, wala na kong ibang inatupag kundi manood ng pelikula. Dahil niluluma na ang gamit na salamin at kailangan ng palitan, ng mapansing lumililim ang panahon ay tumungo ako sa Optical Clinic. Pagdating ay di ko nadatnan ang Opthalmologist kundi sekretarya lamang. Magaling makihalubilo ang sekretarya at kahit ngayon lamang kami nagkakilala'y nakikita kong mabait ito at relihiyoso pa.

6l-o. Siya si Ate Tina at di ko akalain na kilala niya pala ang mga dati kong kamag-aral sa Our Lord Saviour academy. Nagsimula sa patanong-tanong hanggang sa mauwi sa kwentuhan at palagay ko, magkakasundo kami. Sa dami ng bagay na napag-usapan ay di ko napansing dumidilim na't grabe dahil gumaan ang kalooban ko ng makausap siya. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya naisipan ko pang magkumpyuter. Tuluyan ng kumagat ang dilim ng makarating sa bahay at pagkain agad ang nasa utak. Hindi pa dinadalaw ng antok kaya nanood muli ng pelikula ang siyang inatupag. Pagsapit ng hating-gabi'y laking gulat namin ng biglang gumawi ang Ate bitbit ang maraming dalahin. Maya-maya pa'y nagpasya na kong matulog.


June 06, 2015
Saturday

Year III-157

6l-p. Marami-rami na rin ang naganap sa buhay ko sa loob ng tatlong linggong bakasyon at ang ilang doon ay masasaya na di ko maiwawaksi sa isipan. Matayog na ang araw sa labas at nakakapaso na rin ang sinag nito ng ako'y magising at bumangon. Pagkatingin sa orasan, Alas-otso na pala. Sumapit muli ang araw ng Sabado at dahil walang pasok ang mga Tsikiting, naging masigla ang bentahan. Ni hindi na nga magkadaugaga sa dami ng bumibili't minsa'y nawawala na sa sarili. Kaya pagdating ng tanghaling tapat, stressful na ang aking pakiramdam at ibig ko ng magpahinga. Kahit di ko gusto ang ginagawa'y pinipilit pa rin alang-alang sa aming ikakabuhay at sa aking kinabukasan. Nang maglaon ay si Mama na ang nagbantay.

6l-q. Pagsapit ng hapon at sa kadahilanang tinamaan muli ng pagkabagot, panonood muli ng pelikula ang inatupag ko. Di ako makalabas dahil daming dapat gawin sa bahay, maghuhugas ng plato, magsasaing, magtitinda at marami pang iba. Dumating na nga sa puntong gusto ko ng magreklamo dahil nagkapatong-patong ang gawain at di na batid kung anong uunahin pero di ko magawa pagkat may ginagawa rin sila ina, pinagtiyagaan na lamang ang hirap at pagod. Mabuti pa ang mga tambay sa lugar namin, nakaupo lamang at hayahay ang buong maghapon. Dakong gabi na ng lubusan na akong makapag-relax at sarap magbandying-bandying kapag natapos mo na ang lahat ng gawain at wala ng alalahanin pa. Dahil hobby ko talaga ang manood ng pelikula tuwing gabi ay iyon muli ang pinag-ukulan ng panahon bago matulog. Sa labis na humaling sa panonood ay ibig ko ng tapusin subalit sa haba'y bigong matapos at kailangan ko ng matulog.


June 07, 2015
Sunday

Year III-158

6l-r. Dumaan nanaman ang isang araw na walang kapahamakang naganap sa aming pamilya na siyang ipinagpapasalamat ko. Tunay ngang napakabait ng Maykapal at kahit na makasalanan kaming nilalang ay di niya kami pinababayaan at maawain ang Diyos kapag nangangailangan ka. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa't walang mangyayari kung puro dasal lamang kung di naman sasamahan ng kilos at pagsisikap. Pagkadilat ay laking gulat na lamang dahil malapit ng mag-ikasampo. Di na ko nakapag-agahan pa at gawaing bahay agad ang inatupag ko. Sobrang nakakapagod kapag madaming ginagawa pero sinusubukan na lamang tiisin at kayanin. May pinuntahan si ina at naglalaba naman ang Ate kung kaya kahit mahirap ay pinagsabay ko na ang gawaing bahay at pagtitinda.

6l-s. Sa dami ng ginagawa't nakasuksok sa isipan ay di ko na maiwasang magkamali habang nagtitinda't di ko naman plinano pero bakit nagagawa ko iyon. Humingi na lamang ako ng paumanhin sa kostumer at lugmok ang kalooban ko sa kahihiyan. Tila nawalan na tuloy ako ng gana sa pagtintinda dahil sa kahihiyang dinanas ko at sobrang disappointed sa sarili. Habang kumakain ng pananghalian ay nasermunan tuloy ako nila ina't pinamukhang palpak. Tanggap ko ang aking pagkakamali dahil tao lang naman pero huwag nila iyon ipamukha sa akin dahil bumababa na ang tingin ko sa sarili. Pinagsasabihan nga nila ako pero hinahaluan naman ng panunumbat at iyon ang ikinakasama ng loob ko. Kahit nauunawaa'y di pa ring maiwasang magtanim ng sama ng loob at pakiramdam ko, napakawalang kwentang tao ko.

6l-t. Bakit pa kasi nangyayari ito sa akin at ano naman kaya ang dahilan? Mainit ang sitwasyon sa bahay at ibig kong pahupain ang nararamdaman kaya pansamantala munang umalis at tumungo sa bahay ni Angelica upang makalimot sa problema. Kasama si Angelica ay naisipan namin magtungo saComputer shop. Saglit lamang kaming umupa sa Computer shop at kaagad na umalis pagkat kapos sa kwarta. Saya talaga ng buhay kapag nandoon ako sa puder nila Angelica at ang kaninang kinikimkim na sama ng loob ay tuluyan ng napawi dahil sa kanila. Sumunod ay sa bahay naman nina Cathy ako tumungo subalit si Jaka lamang ang nadatnan ko at mamayang gabi pa raw ang uwi niya, di na ko nagtagal pa't bumalik kina Angelica. Sayang at di kami nagkita. Madilim-dilim na ng magpasya na kong umuwi at umuwing may gaan sa kalooban. Bago matulog ay nilibang ko muli ang sarili sa panonood ng pelikula.


June 08, 2015
Monday

Year III-159

6l-u. Ngayon ang kaarawan ng aking ina at kahit na may samaan ng loob kahapon dahil sa kanyang sinabi, iwawaglit ko na sa isipan alang-alang sa kaarawan niya. Natutuwa ako sapagkat nakarating siya sa ganoong edad at sana'y lumawig pa ang kanyang buhay. Unang kita ko pa lamang sa kanya kaagad ko na itong binati. Lumitaw ang ngiti sa kanyang mukha ng binati ko ito at kahit may panahon na di kami nagkakasundo, di pa rin naglalaho ang pagmamahal ko sa kanya. Mahalaga para sa atin ang mga ina't di tayo mabubuhay kundi dahil sa kanila. Dahil araw ito ni Mama at upang makapagpahinga siya, lahat ng gawaing bahay ay aking ginampanan.

6l-v. Matapos magkape ay diretso tungo na sa labas at naglaba. Tamang-tama ang araw na ito upang maglaba dahil maaliwalas ang panahon pero kung kailan nagbabanlaw na ay saka naman kumulimlim at nagbabadya pa ang ulan. Mistulang gabi na ang kapaligiran at dahil sa banta ng ulan, di muna ako nagsampay. Maya-maya pa, bumuhos na ang napakalakas na ulan subalit daglian lamang. Tanghaling tapat na pala at dahil kumakalam na ang sikmura, nananghalian muna. Saka lamang nakapagsampay ng bumuti ang panahon.

6l-w. Kinahapunan at dahil kaarawan ni ina, nagsalo-salo kami sa handang Spaghetti at Salad. Sa tamis at sarap ay halos di ko na maawat ang sarili sa pagbanat. Kahit simple lamang ang pagdiriwang ay masaya na rin ako dahil nabusog ang aking tiyan. Matapos kumain ay tumungo muli sa bahay nina Angelica at ipinamahagi ang handang Spaghetti. Kita ko sa mukha nila ang kasabikan ng makita ang dala't tumaba ng husto ang puso sa kanilang pasasalamat. Di na ko nagtagal pa sa kanila pagkat nagbabadya muli ang buhos ng ulan. Bago pa man tuluyang bumuhos ang ulan ay diretso tungo na sa Optical Clinic upang mapatingnan ang mata. Suwerteng naroroon na ang Doktora pagkarating ko at kaagad na sinubok ang aking paningin.

6l-x. Natutuwa naman ako ng sabihing bumaba na ang grado ng mata at sana'y magtuloy-tuloy ito upang di na magsalamin pa. Di ko kaagad nakuha ang salamin sapagkat ipapasadya pa raw iyon at babalik muli kinabukasan. Lubhang madilim na ang kalangitan kung kaya may pagmamadali ako sa pag-uwi sa takot na maabutan ng ulan. Mabuti na lamang at bumuhos ang ulan kung kailan nakarating na sa bahay. Sindak muli ang umiral sa dibdib pagkat sinabayan pa ng pagkulog at kidlat at ako'y nagtatalukbong. Pagkanood sa balita'y grabe ang taas ng baha sa kanilang lugar at maraming pasahero ang na-stranded. Kailangan nanaman ng paghahanda para sa nalalapit na tag-ulan at tagbagyo. Pagsapit ng gabi ay bigla kong naramdaman ang pagsakit ng ulo. Sa sakit at sa halip na magpuyat pa ay kaagad ng natulog matapos manood ng telebisyon. Marahil ay sisipunin muli ako kung kaya nasakit ang ulo.


June 09, 2015
Tuesday

Year III-160

6l-y. Napawi nga ang sakit ng ulo ko subalit pumalit naman ang pagkakaroon ng sipon. Kahit di kagandahan ang pakiramdam, ginampanan ko pa rin ang gawaing bahay. Patuloy pa rin akong inaatake ng sipon kung kaya tinatamad ng tapusin ang gawaing bahay at kaagad na nagpahinga. Maya-maya'y pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko. Di ko malaman sa sarili ko na sa halip na tuwa'y inis ang namumutawi sa dibdib sa tuwing may bumibili, lalong lalo na ang mga bata. Sa totoo lang ay pinagtitimpian ko na lamang sila at ipinapakita ang ngiti at ikinukubli ang totoong nasa damdamin. Marahil ay mawalan kami ng Kostumer kapag ipinakita ko ang kasungitan sa kanila. Pagsapit ng tanghaling tapat ay biglang nag-iba ang timpla ng kalangitan at marahil ay bubuhos muli ang ulan.

6l-z. Hindi nga ko nagkamali sa aking akala't maya-maya pa'y bumuhos na ang ulan. Ibig ko talagang maligo subalit may sipon ako, sumilip na lamang sa labas. Walang magawa at ako'y bagot na bagot na, naisipan kong aliwin ang sarili sa panonood ng pelikula. Dalawang oras ng bumubuhos ang ulan at ito'y walang humpay. Marahil ay di ko na itutuloy ang aking balak dahil napakasungit talaga ng panahon at baka mapaano pa. Pagkatila ng ulan ay nag-ayos-ayos na ko at tumungo sa Optical clinic upang kuhain ang salamin. Nadismaya ako ng sabihin ng Opthalmologist na bukas ko pa iyon makukuha dahil di siya nakapagpagawa dala na malakas raw ang ulan. Nauunawaan ko ang kanyang dahilan pero di maiwasang manghinayang. Sayang lang at nagpunta ako sa wala.

6m-a. Bago umuwi, naisipan ko pang bumisita sa bahay ni Cathy. Sa nakikita ko kay Cathy ay pakiwaring may nag-iba sa kanya pagkat di ako gaanong kinakausap na di tulad ng dati at tila kay ilap niya sa akin. Sa ipinapakita niya, nahihirapan ng pakisamahan ito pero sinusubukan ko pa rin at patuloy na inuunawa. Laking pagsisisi ko't dapat ay di muna ako nagpunta dahil nakikita kong busy siya sa mga gawain. Nahihiya naman ako kaya tinulungan ko na siya. Naibalik naman ang dati nitong pakikitungo sa akin ng gawin iyon at talagang marami lang gumugulo sa isipan niya kaya di ako magawang kibuin ng husto. Nanatili ako sa kanila hanggang sa sumapit ang gabi. Ibig ko pa sanang tumuloy kila Angelica, kaso dumidilim na't delikado na sa daanan. Diretso lantak agad ng nilutong ulam pagtuntong ng yapak sa tahanan sabay manonood ng telebisyon. Dakong hating-gabi na ng magpasyang matulog at labis ang puyat ko.


June 10, 2015
Wednesday

Year III-161

6m-b. Medyo tinanghali muli ng gising kung kaya di na nagampanan pa ang gawaing bahay at matapos magkape'y diretso bantay na agad ako sa tindahan. Tila kasing kulay ng bahaghari ang umaga ko't maituturing na masigla sa kabila na payak lamang ang aking nararanasan. Maya-maya at habang nagtitinda ay biglang lumapit sa akin si Aling Betty, magpapabarya raw. Nang una'y nagdadalawang isip ako kung papayagan ko ba siya, lalo na't nakikita kong kakaunti na lang ang aming barya at puro malalaki na ang halaga subalit may edad na ito, nakaramdam ako ng habag sa kanya kung kaya pumayag na sa kanyang kagustuhan. Nang mabatid ni ina na nagpapabarya ako ay para siyang sinindihang posporo na bigla na lang magliliyab at kasing anghang ng sili ang mga salitang binibitawan niya. Halos masira na ang aking pandinig pagkat panay sa pagbubunganga si ina.

6m-c. Ibig ko ng magwakas ang aming sagutan kung kaya nagpresintang ipapalit ang malalaking pera. Pahirapan sa akin ang magpabarya sapagkat mainit at ilang tindahan na ang  napakiusapan. Kaagad naman ako nakapagpabarya't umuwi subalit patuloy pa rin sa pagputak si ina. Hindi ko talaga matanggap ang kanyang mga sinasabi kung kaya di na ngiming sagutin ng pabalang. Kahit kailan, kapag si ina'y nag-aburido'y sakit ng ulo ang iyong abot at nakakarindi ang kanyang salita. Humupa naman ang kanyang pagbuda ng mapagod ito. Iyan ang hirap sa kanya, kahit maliliit na bagay ay pinoproblema ng husto. Nawalan na ko ng gana sa pagtitinda at nagmukmok sa kwarto. Panonood muli ng telenobela ang inatupag ko hanggang sa sumapit ang hapon. Kahit mahaba ang palabas na tipong katamad ng panoorin, di nakakasawa at kapanapanabik ang bawat eksena. Kaasar naman, kung kailan malapit na silang ikasal, heto si lalaki nakabuntis ng dating karelasyon. Iyan at nagkasira tuloy silang dalawa.

6m-d. Ayaw na nga sabihin ng babae sa lalaki, pero pakilamera ang nanay nito at ipinalandakan sa kanilang buntis ito.  Grabe at kay sarap panoorin ang Pangako sa'yo original at nakakakilig sina Yna at Angelo na pinagganapan nina Kristine Hermosa at Jericho Rosales. Sa sobrang humaling sa panonood, di ko namalayang Alas-Singko na pala. Balak ko pa sanang magtungo sa pagawaan ng salamin pero nangibabaw na ang katamaran sa aking dibdib. Maya-maya'y nagsaing na ko. Nakakapanghina ng katawan kapag walang ginagawa kung kaya ginampanan ko na rin maging ang gawaing bahay. Pagsapit ng gabi at bago pa man matulog, panonood muli ng Pangako sa'yo ang inatupag ko't sagad na hanggang kaibuturan ng buto ang kasamaan ni Claudia at kakapanggigil. Dakong hating-gabi na ng maisipang matulog.


June 11, 2015
Thursday

Year III-162

6m-e. Sa sarap muli ng aking tulog ay tinanghali muli ng gising. Matapos magkape'y tumungo na ako sa Optical Clinic upang kuhain ang salamin. Bago pa man ako tumungo roon ay nagkumpyuter muna. Ilang sandali pa at habang abala ako sa pag-edit ng mga dokumento'y bigla na lamang nagloko ang kanilang internet connection. Isi-save ko sana sa aking Yahoo mail ang mga Files subalit di maaari at kainis naman, di ko nadala ang Cellphone at USB Connector. Nakaka-stress ang aking problema at di na alam ang gagawin ng mga oras na iyon. Hindi ko naman ibig mauwi sa wala ang aking pinaghirapan kung kaya kahit may kalayuan ay dali-dali akong nagtungo sa bahay upang kuhain ang USB Connector. Pagkabalik sa shop ay halos maligo na ko sa sariling pawis at labis ang aking pagod.

6m-f. Saktong bumalik na sa dati ang internet pagkabalik ko't parang lumuwag ang paghinga ng mai-save ang mga Files. Kaya pala pansin kong walang gaanong umuupa sa kanila pagkat nagloloko ang kanilang Internet Connection. Matapos ay dumako na ko sa Optical clinic. Habang patungo ay di na mapigilang masabik pagkat may bago na kong salamin subalit di pa raw yari at kukuhain pa ng Opthalmologist. Ano ba yan at nagpunta muli ako sa wala, nanatili muna ako sa kanila't tamang usap kila Ate Tina. Galing talaga mag-entertain ni Ate Tina sa mga tao at kahit di niya kakilala, kinakausap niya pa rin na parangclose. Dakong tanghali na ko nakauwi't nagbabadya muli ang buhos ng ulan. Pagsapit ng hapon, tumungo muli ako sa Optical Clinic, nagbabakasakaling makukuha na ang salamin subalit bigo muling makamit at di pa pala nakakabalik ang Opthalmologist.

6m-g. Sinabi sa akin ni Ate Tina na parating na raw ito kaya nanatili muna ako. Dumidilim na ang paligid at babalakin ko na sanang umuwi ng biglang dumating ang Opthalmologist. Sa wakas at may bago na kong salamin, kaso di ko naman maisuot pagkat naninibago ako at sumasakit ang ulo. Marahil ay habang buhay na kong magsasalamin at habang buhay ng magiging nerd. Kinagabihan at bago matulog, iginugol ko muli ang oras sa panonood ng Pangako sa'yo. Nagliyab sa galit ang aking dibdib ng makitang pinapahirapan ni Claudia ang mag-inang sila Amor, makuha lamang ang gusto nito. Mas masahol talaga sa demonyo ang kanyang kasamaan at sarap pasabugin ang mukha. Sa sobrang humaling, di ko namalayang hating-gabi na't kailangan ko ng matulog.


June 12, 2015
Friday 

(Independence Day)
Year III-163

6m-h. Apat na araw na lamang ang nalalabi bago magtapos ang mahabang bakasyon at tila di ko man lang nasulit ito. Habang may natitira pang sandali ng bakasyon ay magkukumahog ng sulitin ito. Maliwa-liwanag na sa labas ng ako'y magising at bumangon. Matapos magkape, gawaing bahay muli ang siya kong pinagkaabalahan. Sa araw-araw na ganito ang aking ginagawa'y pwede ng magkatulong. Hindi naman gasinong karami ang gawain kung kaya agad na natapos. Sumunod ay pagbabantay sa tindahan ang inatupag ko. Tila halamang nananamlay ang aming bentahan at manakanaka lamang ang dating ng mamimili. Upang di mabato, ipinagpatuloy kong panoorin ang telenobela. Kung kailan may ibang pinagkakaabalaha'y biglan naman nagkasunod-sunod ang mga kostumer. Halos di na ko magkandaugaga ng mga sandaling iyon.

6m-i. Maya-maya pa, tanghalian na't pansamantala kong itinigil ang pagtitinda. Nang si Papa ang magbantay ay di namin inasahang may isang babaeng magrereklamo. Nagpaliwanag naman si Mama at Papa pero tila teyngang kawali ito't nagpatuloy sa pagbuda. Hindi naman namin pananagutan kung bumili ang anak niya ng Kisses at kinain dahil di naman namin alam na pinagbabawalan niya iyon. Dapat sa kanya, binabantayan at pinagsasabihan ang anak upang di mapahamak. Laking pasalamat namin at walang nangyaring masama sa anak niya. Saka lamang humupa ang pagtatalo ng maliwanagan ang babae. Gawa na ako'y batong-bato, wala akong ibang inatupag sa maghapon kundi manood ng telenobela. Balak ko sanang lumabas at gumawi sa bahay ng kaibigan pero biglang nilagnat si ina, ako muna ang nagbantay sa tindahan habang nasa palengke si ama.

6m-j. Hindi rin ako makalayas pagkat daming dapat asikasuhin sa bahay. Nang gabing iyon, bigla na lamang sumakit ang sikmura ko't halos mamilipit na. Dapat pala'y di ko dinamahin ang kain kung magkakaganito naman ang tiyan. Hindi lang sakit na pangkaraniwan kundi tila umiikot ang hangin sa tiyan ko, marahil ay kinakabag na. Bahagya naman nabawasan kinalaunan pero nanatiling masakit. Wala akong ginawa kundi magtiis hanggang sa tuluyan na ngang mawala. Maya-maya, biglang dumating ang ate at may dala itong pagkain. Kahit sumakit kanina ang tiyan at sa sarap ng dalang pasalubong ay di na ko nakapagpigil pa sa paglantak. Bago matulog, panonood muli ng telenobela ang inatupag ko't di ko makaya pang panoorin ang mga eksena pagkat masyadong malulupit ang mga kalaban. Dakong hating-gabi na ng magpasyang matulog. 


June 13, 2015
Saturday

Year III-164

6m-k. Dakong ikapito ng umaga ng ako'y magising, gawaing bahay muli ang siya kong inatupag pagkabangon. Medyo sinisipag ako ngayon at makakayang gawin kahit gaano pa ito kabigat o karami. Maayos na si Mama at nagagawa ng kumilos-kilos, kung kaya matapos ang gawaing bahay ay tumungo na ko sa bahay nina Angelica. Pagkadako sa kanila'y takot at gulat agad ang gumuhit sa dibdib ng sabihin sa akin ni Aling Mila na nahimatay raw si Angelica kahapon at matapos ay sinaniban pa. Hirap paniwalaan ang kanyang sinasabi pero di maiwasang masindak. Hindi ko akalain na paulit-ulit na pa lang nangyayari sa lugar nila iyon at kakatakot naman. Nang si Aling Leleng na ang nakausap ko, sinabi nitong nanuno raw ang Angelica at dahilan niyon ay nagambala nila ang bahay nito.

6m-l. Totoo pala iyon at di talaga ako makapaniwala. Nanghihina pa si Angelica dahil sa nangyari sa kanya, di ko muna ito gaanong kinibo at hinayaang magpahinga. Sayang at marami pa naman kaming pagkwekwentuhan, nadismaya tuloy ako. Maya-maya pa'y tumungo na kami sa labas at nagpahangin. Habang nagpapahangin ay biglang nagsidatingan ang mga bata at kay rurusing ng mga hitsura, bukod pa roon ay ang lulutong pa magmura't ang lalakas mang-asar. Nasuya ako sa kanilang mga hitsura't makapangdusta sa amin, akala'y pinagpala ang mukha. Alisan sila ng magpamalas ng liyab si Angelica. Nang mapansing ayos na ito saka ko pa lamang iniwanan. Sa bahay naman nila Cathy ako tumungo. Hindi na ko nagtagal pa sa kanila pagkat tanghaling tapat na at kailangan ng umuwi. Pagsapit ng hapon, tumungo naman ako sa bahay nila Ate Let upang maghulog, saktong nadatnan kong naroroon ang kanyang asawa at kami'y nag-usap. Tungkol pa rin sa Biblia ang aming napag-usapan at dami ko talagang mabubuting bagay ang natutuhan kay Pastor Rey.

6m-m. Matapos ay tumungo muli kina Angelica. Mahimbing ang kanyang tulog nito ng datnan ko, hinintay ko muna ito magising. Gumising naman ito kinalaunan subalit di pa rin makausap pagkat di pa rin naibabalik ang dati nitong sigla. Madilim-dilim na at sa takot na matulad sa sinapit ni Angelica, nagpasya na akong umuwi. Habang abala ang mata sa panonood ay may kung anong sigawan muli akong narinig. Pagkadungaw ay halos magpatayan na sila kung mag-away at nagliliyab ang palitan ng mga salita. Halos ikarindi ko ang kanilang bangayan at tila walang pasintabi sa mga dumadaan. Upang di marindi, nagsuot na lamang ng Headset at nanood ng telenobela. Sa sobrang humaling ko, di namalayang Alas-onse na't kahit di pa dinadalaw ng antok ay kailangan ko ng mahimlay sa kama.


June 14, 2015
Sunday

Year III-165

6m-n. Dalawang araw na lamang bago magtapos ang bakasyon grande't sabik na sabik na kong makilala ang bagong guro at bagong kamag-aral. Ano nanaman kayang hamon ang maari kong kaharapin at mangyayari sa buong taon ng aking pag-aaral bilang Second year college? Masaya kaya o puro hirap at pagod ang magpadaraanan? Kung puro mabibigat ay sana kayanin ko't bigyan ako ng maykapal ng katatagan ng loob upang malampasan ang lahat ng iyon. Sarap pang humilata sa malambot na higaan at di pa ibig ang bumangon. Alas-otso na pala kung kaya nagpasya ng iangat ang sarili. Matapos magkape ay dumeretso kaagad ako sa tindahan at nagbantay. Sa tuwing may bumibili ay di ko maiwasang mataranta. Tuloy ay madalas akong nagkakamali. Naiinis lamang ako sa sarili pagkat ang tanga-tanga kong nilalang at tingin ko, di ako nararapat na mamahala sa negosyo at baka maging mitsa pa ng pagkalugi. Hindi ko mabatid kung bakit ako nagkakaganito at hirap paganahin ng ayos ang utak.

6m-o. Halos gumuho na ang mundo ko sa aking problema, tapos pinagsasalitaan pa ng di maganda ni ina. Alam ko naman na may pagkaengot ako subalit huwag sisigawan sa harap ng tao, napahiya tuloy ako. Kahit di na gusto ang magbantay ay tiniis ko ang sakit at ako pa rin ang namahala hanggang sa magtanghali. Matapos mananghalian, tumungo ako sa Mall upang bumili ng gamit pang-eskwela. Sa Alimall ko naisipang magpunta. Naninibago lamang ako sapagkat unang beses pa lamang bumili ng School supplies ng ako lamqng mag-isa at litong-lito kung anong gagawin. Kahit ganoon ang nararamdaman ko'y ipinagpatuloy pa rin ang aking balakin. Madami pa rin ang mamimili kahit dalawang linggo ng nagsimula ang klase, pahirapan tuloy sa akin ang kumilos at nawawala ang pokus sa pagpili ng kagamitang pang-eskwelq. Kakaunti lamang ang kailangang bilhin kung kaya kaagad akong natapos sa pagbili. Namasyal-masyal muna ako at halos ikalula na sa tayog ng mga gusali.

6m-p. Nakakailang lamang pagkat ako lang mag-isang naglalakad at di maiwasang mainggit sa mga nakakasalubong kong mga taong may kanya-kanyang kasama at kausap. Hindi ko na lang sila inintindi at mauuwi lamang sa pagkalumbay. Maya-maya pa'y tumungo naman ako sa Farmers upang bumili ng Payong at Pitaka. Pagkadako roon ay nadatnan kong nagkukumpulan sa iisang umpukan ang mga tao at panay pa ang hiyawan, may singing contest pa lang nagaganap. Tumigil muna ako at pansamantalang sumilip dahil may bibilhin pa. Nang makabili ay ipinagpatuloy ko ang panonood. Tila gintong kumikinam ang kanilang tinig na tipong sarap pakinggan at bukod pa roon ay ang ririkit at kikisig pa ng mga kalahok. Rinding-rindi na ko sa walang humpay na tilian ng mga manonood at lalo itong umiigting kapag duet.

6m-q. Balak ko pa sanang manatili sa Mall hanggang gabi at mamasyal subalit sumasakit na ang aking paa, lumisan na ko. Habang lulan ng tricycle at pagkaraan sa may Consti ay bigla kaming naabutan ng prusisyon. Halos tatlumpung minuto na kaming nakatengga sa daan dahil sa haba ng prusisyon. Iba't ibang altar ng rebulto ang siya nilang ipinarada at mayroon dingroyal parade na kay gagara at mamahalin ng kasuotan. Tila hindi na nga nauubusan sa haba ng prusisyon at ang ilan ay bumaba na dahil sa sobrang inip. Nakausad naman kami kinalaunan. Magkahalong pagod at pananakit ng paa ang naranasan ko pagdating ng bahay, kaagad munang nagpahinga. Nang makalikom ng sapat na lakas, tumungo ako sa bahay ni Cathy. Tanging sila Ate Ging at kamag-anak lamang nito ang nadatnan ko. Nagkumpyuter raw ito sabi sa akin ni Ate Ging, hinintay ko muna siya.

6m-r. Lumipas na ang halos isang oras subalit di pa siya dumarating. Medyo naiinip na ko kaya nagpasyang magpaalam na sa kanila. Kina Angelica ako sunod na nagtungo, wala rin ito ng datnan ko, sa muling pagkakataon ay naghintay muna ako. Habang nag-uusap kami ni Aling Leleng at sa kamalasang pangyayari ay bigla na lamang natuluan ng ipot ng manok, dali-dali tuloy akong nagtungo sa banyo at naghugas. Maya-maya pa'y dumating na si Angelica kasama si Rachid at Inday. Natutuwa naman ako pagkat magaling na siya at nakakausap na ng maayos. Sa totoo lamang kapag sila ang kasama ko'y ang saya ng buhay at sila ang pampawi ng problema.

6m-s. Nahumalingan ko ng manatili sa kanila kung kaya di namalayang lumalalim na ang gabi't kailangan ng umuwi. Wala pa ring pinagbago at sermon muli ni ina ang inabot ko. Di ko na lang siya inintindi at baka lumala pa ang alitan. Hindi pa ko inaantok pa kung kaya nakinig muna ako ng musika. Sarap makinig ng Korean Song at kahit di ko maintindihan ang lyrics ay nagugustuhan ko pa rin. Saka lamang ako tumulog ng makaramdam ng antok.


June 15, 2015
Monday

Year III-166

6m-t. Huling araw na ng bakasyon at lalo pang umigting ang sabik sa dibdib sapagkat nalalapit na ang araw ng aking pagpasok. Nasasabik akong makilala kung sino ang magiging bagong Professor at makakasalumuha sa loob ng buong semester at sana'y isa roon si Sir Esguerra na maging guro ko, nami-miss ko na siya't parang pangalawang ama na nga ang turing ko sa kanya dahil bukod sa mahusay siyang magtuturo, minahal niya kami at di lang estudyante ang turing kundi parang anak na nga. Kung maari lang na pumili ng magulang ay siya ang pipiliin ko pagkat batid kong mas mapapaayos ang buhay at matututong magtiwala sa sarili. Kung hindi man siya ay sana kagaya niya't makaya sana ng loob na pakisamahan sila. Di lang sabik kundi umiiral din ang kaba sa dibdib. Iniisip ko na ano kaya ang maaring kaharapin ko bukas at magustuhan ko kaya ito? Kung anuman ang mangyari bukas sa unang araw ng aming klase ay nawa matanggap iyon ng buo ng aking kalooban.

6m-u. Sa halos isang buwan ng aming bakasyon ay di naman nabitin at maigi na ngang may pasok upang may mapag-ukulan akong mahahalagang bagay. Dakong ikaanim na nagising, walang magawa kaya diretso kulwit muli ng Android phone. Dakong ikapito na ko bumangon. Pagkabangon ay anong sigla muli ang namayani sa buo kong pagkatao at tila napakakulay ng umaga ko. Gawaing bahay muli ay siya kong pinagkaabalahan matapos mag-almusal at medyo sinisipag ako ngayon. Walang magbabantay sa tindahan pagkat may sakit muli ang ilaw ng tahanan samantalang di pa dumarating ang haligi ng tahanan kung kaya kahit mahirap ay pinagsabay ko na. Matinding pagod ang inabot ko matapos gampanan ang gawaing bahay at pansamantalang naupo.

6m-v. Nasa kalagitnaan na ng Hunyo subalit malapugon pa rin ang nadaramang init tuwing tanghali at sa linis ng kalangitan ay tila malabong umulan. Mukhang nag-extend ang Summer at hanggang ngayon ay napakaalinsangan pa rin. May pasok na bukas at kailangan kong makalikom ng lakas, nag-siyesta muna matapos mananghalian. Dakong ikaapat na ng hapon ako nagising at pamamalantsa agad ng uniporme ang inatupag. Wala akong ibang ginawa kundi maghanda sa pagbabalik eskwela, di ko na talaga mapigilang masabik. Kinagabihan at matapos manood ng paboritong programa ay daglian ng natulog. Hindi naman ako makatulog pagkat nakakabulahaw ang ingay sa labas at sakit pa sa teynga, naging mapayapa naman ang kapaligiran kinalaunan na siyang nagbigay sarap sa pagtulog ko. Goodluck sa magiging professor ko bukas at nawa’y maging maganda ang unang araw ng aking pagpasok.


June 16, 2015
Tuesday

Year III-167

6m-w. Unang araw ng aming pagbabalik eskwela at kapanibago lamang dahil nasanay akong gumising ng tanghali. Sumapit na ang Alas-kwatro ng ako'y magising, dama ko pa ang antok at ibig pang matulog kaya dakong ikalima na ng magpasyang bumangon. Dahil unang araw ay ganadong-ganado ako sa pagpasok. Sa muling pagkakataon ay maisusuot muli ang  puti kong uniporme at sapatos matapos ang dalawang buwang nakatago. Ibayong pag-iingat muli sa takot na mamantsahan ang uniporme at sapatos. Habang lulan ng Dyip ay saktong nakasabay sila Hansel. Matagal na panahon na rin kaming di nagkikita kaya tamang kamustahan lamang. Anong bagal ng usad ng aming sinasakyan at mukhang mahuhuli na ko. May nagaganap palang reblocking sa lansangan na siyang nagdulot ng matinding trapik at mahuhuli na talaga sa pagpasok.

6m-x. Di nga ko nagkamali't pagdating sa eskwela'y saktong naroroon na ang aming Professor. Zoology 2 ang una namin naging asignatura at si Sir Patrick ang professor. Pahiyang-pahiya ako pagkat unang araw pa lang ay late na agad subalit di naman nasita. Tinalakay lamang nito kung ano ang aming kakailanganin at Prelim pa lamang ay may orientation na agad kami tungkol sa dissection kahit sa midterm pa iyon gaganapin.  Mukhang magastos ang asignatura na ito at ngayon pa lamang ay kailangan ng pag-ipunan. Maaga ng mahigit sa dalawang oras ng aming dismissal time ang pagpapalabas niya sa amin. Habang bakante ang oras, tamang pamamasyal lang kami. Maya-maya'y pumasok na kami sa silid at anong lamig na tipong ikangatog ko ng husto ang ginaw. Sa halip na makipagdaldalan, umidlip muna ako.

6m-y. Pagdating ni Sir Patrick ay laking gulat namin ng inanunsyong magkakaroon ng Diagnostic test. Hango sa General Zoology ang mga katanungan subalit sa haba ba naman ng panahon ay nakaligtaan na kung ano ang napag-aralan. Ilang sandali pa'y lumabas na kami't malakas na ulan ang sumalubong sa amin. Hinintay munang humina o tumila bago kumilos. Kanina pa nakakaramdam ng gutom kaya todo banat ako sa pagkain.  Makalipas ang dalawang oras, tumungo na kami sa silid. English ang sunod naming asignatura at si Sir Jenor ang professor. Sa unang tingin pa lamang ay mukhang istrikto ito at masungit. Dahil oral and communication skills ang topicsa buong semester, itinuro niya sa amin ang tamang paraan sa pagsasalita ng English.

6m-z. Sa sobrang slang ng kanyang accent ay di ko maunawaang lubos ang kanyang English, idagdag pa ang malaipis nitong boses. Kakakilala pa lamang namin sa kanya ng magkaroon agad ng Class recitation at gumuhit bigla ang kaba ng ako ang tawagin. Mabuti na lamang at may naisagot ako. Statistical Science ang sunod namin asignatura at si Sir Jigo ang aming Professor. Bata-bata pa ang hitsura at tingin ko, baguhan lamang ito bilang Professor subalit mahusay na itong magturo. Bukod pa roon ay mabait pa't tila kay luwag niyang guro sa amin. Matapos magsalita sa harapan, nagkaroon kami ng Class election at si Bonna ang hinirang na Class President.
  
6n-a. Laking tuwa namin sapagkat kahit di pa oras ng dismissal ay pinalabas na niya kami. Naging maligaya ang uwian sapagkat sama-sama kaming naglalakad subalit ng nasa kalsada na'y biglang napalitan ang nararamdaman ko't si Robenna na lamang ang nakasabay sa pag-uwi. Palibhasa'y mapera ang mga kamag-aral kaya sa halip na umuwi na'y pinili pang mamasyal sa Mall. Pagkauwi ay diretso kain ako. Maya-maya'y tumungo muli kina Angelica. Himbing na himbing ito sa pagtulog ng datnan ko. Hinintay ko itong magising subalit sa tagal at sa inip na rin, nagpasya ng umuwi na. Pagsapit ng gabi at gawa na walang pasok kinabukasan, nanood muli ako ng telenobela gamit ang Cellphone. Sa labis na humaling ko'y di namalayang hating-gabi na pala. Hindi pa inaantok subalit kailangan ng matulog.


June 17, 2015
Wednesday

Year III-168

6n-b. Labis ang puyat kagabi sa kakanood ng telenobela't pumatak na ang ikawalo ng umaga ng ako'y magising. Kaaga-aga subalit muling pinairal ni ina ang init ng ulo't di ko malaman kung anong bagay ang nagpapaimbyerna sa kanya. Nakahiga pa lamang ako ng bigla niya kong sermunan. Kasimpleng bagay, ginagawang kumplikado at pati ba naman iyon ay pinoproblema niya, tila wala siyang pinapalagpas. Kating-kati na ang dila kong sagutin siya subalit kay ganda ng umaga ko at ayaw na masira ito, itinikom ko na lamang at hinayaan siya sa pagbuda. Matapos mag-almusal, sinimulan ko ng gawin ang takdang-aralin sa Statistical Science. Akala ko'y kasimple lamang ng pinapagawa pero labis akong nabulaga pagkat di pala basta-basta at halos lumuwa na ang mata sa kakahanap ng sagot. Umpisa pa lamang subalit ako'y nahihirapan na. Kahit tipong hirap na hirap na'y ipinagpatuloy ko pa rin ang paghahanap, natapos ko naman ito kinalaunan.

6n-c. Wala talagang maisipang gawin kung kaya iginugol ko muli ang mga oras sa panonood ng palabas. Anong ganda ng palabas at kaabang-abang ang bawat eksena, kung kaya di mapigilan ang mata ko sa pagtutok. Habang tamatakbo ang palabas ay lalo pang umaatikabo at ang husay ng pagkakagawa pagkat nadadala ang emosyon ko. Sa labis na humaling sa panonood, di ko namalayang sumapit na ang hapon. Madami muling hugasin sa lababo kung kaya tigil muna sa panonood. Ang panahong saksakan kanina ng alinsangan, biglang kumulimlim. Sa paglipas ng mga minuto ang unti-unting pagdilim ng kalangitan hanggang sa magmistulan na itong gabi, marahil ay bubuhos muli ang malakas na ulan subalit nagkamali sa aking akala at puro pagkulog at kidlat lamang ang naganap.

6n-d. Tikatik lamang ang ulan at di nagtagal subalit nakatulong naman iyon upang maibsan ang init. Nang matapos sa lahat ng gawain, ipinagpatuloy ko ang panonood. Kinagabihan at habang nanonood ng balita'y habag at poot ang siyang umiral sa dibdib ng mapanood na walang awang minomolestya ng ama ang dalawang bata. Bukod pa roon ay sinisipa pa nito at kalunos-lunos ang sinapit nila mula sa kamay ng malupit na ama. Mabuti na lamang at may naglakas ng loob na kunan ng Camera at sana'y mahuli ang adik na tatay na iyon. Kahit di ko kadugo'y labis akong naapektuhan. May pasok muli kinabukasan kaya maaga akong natulog.  


June 18, 2015
Thursday

Year III-169

6n-e. Sa takot na mahuli muli sa pagpasok, maaga pa lamang at medyo inaantok pa'y pinilit ko ng bumangon. Ikalawang araw pa lamang ng aming klase subalit tila tinatamad na ko. Tinatamad nga ko subalit sayang naman ang araw na ito na walang matutuhan at ayaw kong lumagapak ang grado, pumasok pa rin ako, labag man sa kalooban. Kay tulin ng oras at di namalayang Alas-sais na pala, kailangan ko ng magmadali sa pagkilos. Habang nasa biyahe, matinding trapik muli ang siyang sumagupa sa akin at di na maiwasang mairita sa mabagal nitong usad. Kahit inagahan ko sa pag-alis ay mukhang mahuhuli pa rin pagkat sadyang napakakupad ng pag-usad. Hindi naman ako nahuli sa pagdating sa eskwela at sa katunayan pa nga'y kakarampot pa lamang ang kamag-aral kong nasa silid. 

6n-f. Theories of Personality ang asignatura namin ng ganitong oras, ilang sandali pa'y pumasok na ang professor namin at di akalain na si Ma'am Ria muli ang Professor namin. Wala pa ring pagbabago sa kanya at Krissy pa rin ito manalita. Sa halip na orientation muna ay on the spot na siyang nag-lecture. Sa dami na dapat kopyahin at idagdag pa na kailangang itutok ang teynga sa pakikinig ay labis akong nai-stress. Habang di na magkandaugaga sa pagsusulat ay laking gulat na lamang ng sabihin ni Catherine na magkaiba ang suot kong sapatos. Pahiya ako ng mapansin niya iyon at kaasar sa sarili pagkat wala akong kamalay-malay at siya pa mismo ang nakapansin. Mabuti na lamang at parehas kulay puti ang sapatos kung kaya di naman halata't sana'y wala ng makapansin pa. Maya-maya pa, lumabas na kami't habang naglalakad ay pilit na kinukubli ang paa upang di mapansin.

6n-g. Dungong-dungo na ako at di mapanatag ang kalooban sapagkat pakiwaring ako na ang laman ng kanilang usapan at palihim na pinagtatawanan.Sa hiya'y ibig ko ng umuwi subalit prinsipyo ang pumigil sa naisin. Makalipas ang halos dalawang oras, bumalik na kami ng silid. Cognitive Psychology ang asignatura namin at si Sir Gelo ang professor. Sa unang tingin ay aakalaing mabait ito at madaling makasundo at di naman ako nagkamali sa akala. Bukod pa roon ay mukhang baguhan lamang ito bilangprofessor at parang pamilyar ang hitsura niya sa akin, parang nagkita't nag-usap na kami. Wala kaming ibang ginawa sa buong oras kundi ipakilala ang kanya-kanyang sarili't sa bawat taong magpapakilala, mag-iimbento ito ng aksyon at gagayahin naman ng katabi. Hindi mapigilang matawa kapag ang ipinapakitang aksyon ay masagwa't ang saya talaga. 

6n-h. Matapos ay tumungo na kami sa ibang silid. Sumidhi pa lalo ang hiya pagkat marami na ang nakakaalam at ayan, pinagtatawanan na tuloy ako. Hindi ko na ibig ang mapikon sa mga patutsada nila, nakikisakay na lamang ako. Education 6 ang sunod naming asignatura at laking gulat at hindi namin maitago ang tuwa ng si Sir Esguerra muli ang naging Professor at sinalubong namin siya ng masigabong hiyawan. Mukhang natupad ang aking kahilingan. Wala pa ring pagbabago sa kanya at mabait pa rin ito at mahusay pang magpatawa. Sa buong oras na ito ay wala siyang iginugol kundi magkwento. Maya-maya ay nagkaroon kami ng recitation at gumuhit agad ang kaba sa dibdib ng ako ang tawagin. Mapalad ang mga kaklase ko na kakakilala pa lamang na di naging estudyante sapagkat di agad matatawag.

6n-i. Ilang saglit pa, uwian na at makakaahon na rin ako sa kahihiyan. Sa pagod at antok na rin, diretso Siyesta ako pagdating ng bahay. Malakas na dagundong ng kulog ang bumasag sa mahimbing kong tulog. Pagkadungaw sa labas ay anong itim ng kalangitan na dinaig pa ang uling. Ilang sandali pa, bumuhos na ang napakalakas na ulan. Sinabayan pa ng nagniningas na kidlat at nagngangalit na kulog kung kaya sukdulan na ang aking takot. Tila matindi na ang unos na aming nararanasan. Tumagal ang pagbuhos ng ulan hanggang sa magtakip-silim at ang resulta, mataas muli ang baha sa Ison Site. Mabuti na lamang at di nagtuloy-tuloy ang ulan. Dahil sa ulan kaya naging malamig ang aming gabi at matiwasay na nakatulog.


June 19, 2015
Friday

Year III-170

6n-j. Naghahari pa rin ang antok sa buong pagkatao at katamad pang bumangon. Alas-singko na pala't kahit inaantok pa'y iniangat ko na ang sarili at nagkukumahog na idilat ng husto ang matang mugtong-mugto sa antok. Wala rin akong ganang kumain subalit pinilit pa ring sumubo. Busog talaga ako't dahilan kung bakit di makayang ubusin ang pagkain. Sa di inaasahan, biglang napagalitan nila ina at sinabihang bulagsak daw ako. Kung may gana lang sa pagkain bakit hindi ko uubusin kaso wala talaga at patuloy nila akong pinaulanan ng sermon. Nagpaliwanag ako subalit bawat paliwanag ay di nila pinapakinggan. Upang di na lumala pa ang gulo, nanahimik na lamang ako at pinilit na ubusin ang pagkain. Tama sila at mapalad tayo na pinagkalooban ng maayos na pagkain at huwag dapat aksayahin. Pumasok akong may kabigatan ang kalooban subalit naparam iyon ng masilayan ang mukha ng mga kamag-aral.

6n-k. Sa oras ng Zoology 2, pagguhit ng iba't ibang uri ng hayop ang siya naming pinagkaabalahan. Di naging madali sa akin na gawin iyon dahil di bihasa sa pagdo-drawing. Mistulan tuloy Alien ang drawing ko't di matukoy kung anong klaseng nilalang ang nasa papel. Mabuti pa ang iba kong kamag-aral, ang huhusay mag-drawing at kopyadong-kopyado talaga. Sa dami ng dapat iguhit, di na namin natapos at ginawa na lang homework pagkat kinapos na sa oras. Pagkatungo sa silid, anong lamig ang aking naramdaman at ibig ko ng mamaluktot, wala naman magagawa kundi magtiis. Maya-maya pa'y pumasok na ang aming Professor subalit di si Sir Patrick kundi si Ma'am Eloisa. Namayani agad ang tuwa sa dibdib pagkat siya muli ang guro namin at kaagad itong nag-lecture. Tungkol sa Classification of Animals ang kanyang itinuro at very interesting ang lesson.

6n-l. Maya-maya pa, lunch break na. Dahil nagtitipid ay tanging Siopao lamang ang pinanglaman tiyan ko. Habang bakante ang oras, kasama ang mga kaibigan ay wala kaming ibang inatupag kundi mamasyal. Matinding hapo ang inabot ko matapos mamasyal. Makalipas ang halos dalawang oras, bumalik na kami sa silid. Sa oras ng English, di nagturo kundi nagkwento lamang si Sir Jenor. Dahil sa kanyang kwento ay may natutuhan ako at iyon ay kahit mautak ka o matalino, may pagkakataon pa rin na maiisahan ka at may tao pa ring mas higit sa kakayahan mo, kaya dapat huwag maging mayabang. 

6n-m. Statistical Science ang sumunod naming asignatura. Namayani agad ang kaba sa dibdib pagkat may class recitation at patay, di ako nakapagrepaso. Kayabang naman niya't sa halip na kami ang ma-stress ay siya pa raw ang na-stress sa mga sagot ng kamag-aral. Mabuti na lamang, di ako natawag at matapos ang Class recitation, nagturo pa si Sir Jigo. Sa haba ng oras ng aming pagkikita sa Statistical Science ay tila teacher ang kinapos sa pagtuturo sa halip na oras, nang wala ng maituro at kahit di pa dismissal time ay pinauwi na kami. Nagbabadya ng bumuhos ang ulan kaya may pagmamadali na sa pagkilos. Pagsapit ng gabi, panonood muli ng telebisyon ang siya kong inatupag at sabay hilata sa kama. Matapos ay kaagad ng natulog.


June 20, 2015
Saturday

Year III-171

6n-n. Sumapit nanaman ang araw ng Sabado subalit tila di Sabado ang araw na ito para sa akin pagkat may pasok pa kami. Kahit naipit sa mabigat na daloy ng trapiko ay di naman ako nahuli sa pagpasok. Pagkadako sa paaralan, patay sapagkat may takdang-aralin pala sa Cognitive Psychology. Habang wala pa si Ma'am Ria ay dali-dali ko ng ginawa ang assignment, hindi naman ako makapag-concentrate sapagkat ang iingay ng mga kamag-aral. Ilang minuto ang makalipas, sabay tago ng papel ng pumasok si Ma'am Ria. Sumisigla talaga ang araw namin kapag si Ma'am Ria ang nagtuturo at parang kasing-edad niya lamang kami kung makipag-usap ito. Habang nagtuturo ito'y may kasama ring oral recitation kaya di mapigilang kabahan. Mabuti na lamang at may naisagot naman ng tawagin. Kaagad kaming lumabas matapos magturo niMa'am Ria. Sa halip na ilaan ang bakanteng oras upang kumain ay inilaan ko ito upang gawin ang assignment sa Cognitive Psychology.

6n-o. Sa library namin iyon ginawa subalit sa ingay kahit bulong-bulungan lamang ang usapan ay hirap akong mag-concentrate at nakakabulahaw sila. Sa wakas at natapos ko rin naman bago matapos ang breaktime. Maya-maya'y tumungo na kami sa silid. Anong lamig muli ang naranasan ko pagkapasok sa silid at pakiwaring nasa loob ng pridyider. Tungkol sa Introduction of Cognitive Psychology ang itinuro sa amin ni Sir Gelo at napaka-interesado ng naging aralin. Nahirapan lamang ako sa pakikinig pagkat patuloy akong giniginaw. Sa tindi ng lamig, bigla akong nagkaroon ng sipon. Inakalang simple lamang ito subalit maya-maya ay nauwi na sa hika. Malas nga lang dahil di nakapagdala ng inhaler at mistulan na akong hanger sa paghinga, pakiwaring matitigok na ko sapagkat habang tumatagal ay pasikip ng pasikip at hirap na hirap na ko sa paghinga, bukod pa roon ay wala na ring humpay ang pag-ubo ko. Mabuti na lamang at may kamag-aral na nakapansin sa sinasapit ko at pinamalasakitan pang samahan sa Clinic. Dahil sa aking kalagayan, sinabihan na ng Doctor na manatili muna ako sa Clinic. Di ko talaga ibig ang manatili roon, nagpasya na lamang umalis matapos magpa-check-up. 

6n-p. Bahagya namang lumuwag ang paghinga ko makalipas ang ilang sandali subalit di pa rin ako nagiginhawaan at sinisipon pa rin. Education 6 ang asignatura namin ngayon at nakapasok na si Sir Esguerra pagkabalik sa silid. Kahit nilalahukan niya ng katatawanan ang pagtuturo ay di ko magawang tumawa dahil sa hinihika at namutawi ang inggit sa mga kamag-aral. Sila na wala ng bukas kung makatawa samantalang kapos na kapos ako sa paghinga. Sa sama ng pakiramdam ko, hindi na ko nakadalo pa ng PE Class at nagpasyang umuwi na lamang. Kung kailan nasa biyahe, saka naman bumuti-buti ang pakiramdam ko. Nagbabadya muling bumuhos ang ulan at sa takot na lalo pang magkasakit kapag nabasa, may pagmamadali ako sa pag-uwi.

 6n-q. Mabuti na lamang, bumuhos ang ulan kung kailan nakauwi na. Naghari muli ang takot sa dibdib dahil sinabayan pa ng pagkulog at pagkidlat at todo ang aking talukbong. Sa labis na takot ay mukhang hihikain muli ako subalit di naman natuloy. Walang humpay ang pagbuhos ng ulan at tumagal ito hanggang sa sumapit ang gabi. Tumila naman ito kinalaunan. Walang magawa kaya nanood ako ng telebisyon. Magandang istorya muli ang nasubaybayan ko sa Maala-ala mo kaya at iyon ay kwento ng isang ina na naging katulong sa ibang bansa at nag-alaga ng dalawang bata. Makapagbagbag damdamin ang ipinakita niya dahil sa kabila na di nito kadugo ang dalawang bata, inaruga pa rin nito ng husto at minahal na parang tunay na anak. Kainis lamang at di ko natapos ang palabas dahil bumuhos nanaman ang ulan, natulog na lamang ako.


June 21, 2015
Sunday 

(Father's Day)
Year III-172

6n-r. Pinakaespesyal na araw para sa lahat ng haligi ng tahanan na walang pagod upang suportahan ang kanilang pamilya kahit nahihirapan na at patuloy na naghahanap buhay upang matustusan ang lahat ng pangangailangang pampamilya. Kahit minsan, nagtatanim ako ng sama ng loob kay ama kapag pinagsasabihan, mahal ko pa rin siya at batid ng isip na mahal niya rin ako. Medyo may edad na ang akin ama at dinadapuan na din ng iba't ibang sakit kaya hiling ko lang ngayong araw na ito, lumawig pa ang buhay niya at bigyan pa siya ng lakas upang makapagtrabaho at igapang kami mula sa buhay na aming kinasasaladkan. Sumabog na ang liwanag sa labas ng ako'y magising at kaagad na nag-almusal. Matapos ay gawaing bahay muli ang inatupag ko. Hindi muna akong gaanong nagkikilos-kilos sa takot na atakihin muli ng hika. 

6n-s. Batid ng isip na karapatan nilang malaman ang nangyari sa akin kahapon at ibig ko ng sabihin, kaso humadlang ang takot sa aking balakin at isa pa,Father's day ngayon at ayaw kong bigyan ng sakit ng ulo ang aking ama, nanatili na lamang iyong lihim. Kung mahinahon lamang si ina at mauunawaan ako, di ako magdadalawang isip na sabihin iyon. Maya-maya'y tumungo na ko sa tindahan at nagbantay. Hindi ko talaga mapigilang mairita kapag mga bata ang bumibili. Paano, puro tigpipiso ang binibili't minsan ay ang tatagal pang pumili. Kahit sasabog na ang dibdib ko sa pagtitimpi, wala na lamang ginawa kundi palawigin ang pasensiya. 

6n-t. Kapag mga kabataan naman na kasing edad ko, puro sigarilyo ang binibili't ang lalakas makahithit buga na akala mo'y di natatakot na masiraan ng baga. Katwiran pa nila'y matibay naman raw ang baga kaya kahit makailang kaha'y kayang ubusin at ang yayabang pa kung makausok na walang pakialam sa taong makakalanghap. Kahit di naninigarilyo'y alam ko na nga ang mga uri nito at maging presyo. Pagbabantay sa tindahan ang inatupag ko hanggang sa sumapit ang tanghali. Kinahapunan at matapos mag-siyesta, sinimulan ko ng gawin ang takdang-aralin sa Zoology 2. Hindi talaga biro ang mag-drawing para sa akin na di pinagkalooban ng ganung kakayahan at halos mapunit na ang papel sa kakabura.

6n-u. Kahit nahihirapan ay nagpatuloy pa rin ako sa pagdo-drawing at pursigidong matapos. Sa sobrang abala ko, di namalayang takip-silim na't oras na pala ng hapunan. Medyo kumakalam na ang aking tiyan sa gutom, pansamantala munang itinigil at kumain. Tinamad na ko kaya ang oras na dapat sana'y gugulin sa paggawa ng Assignment ay napunta sa panonood ng telebisyon. Ipinagpatuloy ko naman matapos manood. Sumapit na ang Alas-onse at dahil mugto na ang mata sa antok, nagpasya ng ipagpabukas na lamang ang ginagawa. Kung kailan nakahilata na'y di naman makatulog dahil sa ingay ng mga nagsusugal sa amin. Kawawa naman ang mga taong inaasa na lang ang buhay sa pagsusugal pagkat di nila makakamtan ang kaunlaran. 


June 22, 2015
Monday

Year III-173

6n-v. Sumapit muli ang araw ng Lunes at may pasok nanaman sa opisina man o paaralan subalit ang araw na ito'y parang Linggo pa rin para sa akin pagkat wala kaming pasok. Sa takaw kong matulog ay dakong ikawalo na nagising. Matapos mag-agahan, kaagad ko ng ipinagpatuloy ang paggawa ng assignment sa Zoology 2. Kahit di presintable kung pagmamasdan ang Drawing at marumi pa, tanggap ko na kung ano ang kalalabasan. Ang mahalaga'y may gawa at may maipapasa. Kung di talaga pupwede ay huwag ng ipilit dahil di lahat ng iyong hinahangad ay makakamit. Kahit hanggang dito lamang ang kakayahan ko'y susubukan kong pag-ibayuhin. Dugo't pawis na ang ibinuhos ko, matapos lamang ang pagguhit. Bago pa man magtanghali, sa wakas at natapos ko na rin ang pagguhit at pwede ng lasapin ang buhay alamang. 

6n-w. Alas-onse na, di pa pala ako nakakapagsaing kaya dali-daling nagtakal ng bigas sabay huhugasan. Maya-maya, oras na upang lamnan ang sikmurang kumaklalam. Pagsapit ng hapon, pamamalantsa ng uniporme ang inatupag ko. Sa ilang buwan na ginagawa ko ito'y tila natututo na sa pamamalantsa. Matapos mamalantsa, nagtungo ako sa Taas upang magpa-develop ng litrato. Halos mangaubos ang lakas ko sa layo ng nilakad at umuwing basang-basa ng pawis. Maya-maya, sa di inaasahan ay bigla kong naramdaman ang pagsakit ng ngipin at patuloy na iniinda ang kirot hanggang sa sumapit ang gabi. Sa sakit ay di ko ma-enjoy ang pagnguya ng pagkain kahit ito ay masarap at apektado maging ulo ko. Halos ikabaliw ko na sa sobrang sakit at animoy tinutuhog ng kung ano-anong bagay ang ngipin. Pagkatingin, mistulang uling na sa kaitiman at unti-unti ng kinakain ng kabulukan. Sa sakit ay kaagad na akong natulog matapos manood ng telebisyon.


June 23, 2015
Tuesday
Year III-174

6n-x. Malapit ng pumutok ang liwanag ng ako'y magising at bumangon. Animoy may bagyo pagkat malakas ang hangin sa labas at napakalamig pa. Sa lamig ay tinatamad tuloy maligo subalit itinuloy pa rin. Maya-maya'y bumuhos na ang ulan subalit daglian lamang ito. Marahil ay nagsimula na ang panahon ng tag-ulan kung kaya nararanasan na ang ganitong kalagayan ng panahon. Akala ko, tapos na ang ulan subalit may parating nanaman at sa takot na maabutan, may pagmamadali ng umalis. Hindi ako pinalad at inabot na nga ng ulan habang lulan ng Tricycle at kahit may panangga ay nabasa pa rin ako. Mahina naman ang ulan kaya di ako gasinong nabasa. Pagdating sa Eskwelahan, abala sa paggawa ng Assignment ang mga kamag-aral ko. Mabuti na lamang, natapos na ko kaya paupo-upo na lamang at nakatunganga. Maya-maya'y pumasok na si Sir Patrick at nagturo. Tungkol sa parte ng iba't ibang hayop ang kanyang tinalakay. Psychology student kami pero mistulang Biologist sapagkat pinag-aaral namin kung paano mabuhay ang mga hayop.

6n-y. Matapos magturo, binigyan niya pa ng oras ang mga kamag-aral ko upang tapusin ang takdang-aralin. Paano naman kaya matatapos ang takdang-aralin kung bibig ang ginagamit sa halip na kamay at pakiwaring di nauubusan ng kwento. Kahit naroroon ang presensiya ni Sir Patrick ay walang pakundangan sa pagbuka ng bibig ang mga kamag-aral ko't naghaharutan pa. Kwento-kwento walang namang kwenta at tama si Ma'am Eloisa. Maya-maya'y bumaba na kami. Kasama sina Anne RoseElla at Catherine ay tumungo kami sa Canteen at kumain. Hindi ko lamang matanggap ang sinabi ni Catherine sa akin sapagkat parang pinapalabas nito na di dapat ako pagkatiwalaan pagdating sa pagtatago ng sikreto at idinahilan niya pa ang pagiging madaldal ko, bagay na ikinasama ng loob ko't kung makapagsalita'y tila kilala niya na ko ng lubos. Inaamin kong madaldal ako, pero huwag naman nilang ipamukha na di ako marunong humawak ng sikreto sapagkat may respeto ako sa mga taong pinagkatiwala sa akin ang sikreto nila.

6n-z. Sa sama ng loob, hindi ko na napigilan pang ilabas at labis nila akong nahusgahan. Nawala na ang pakikisama sa kanila at mag-isang nagtungo sa silid. Habang kinikimkim ay lumapit naman sila sa akin at nagpaliwanag. Dapat ay pinakinggan ko muna sila at di dapat nagpadala sa bugso ng damdamin. Naging maayos naman ang lahat matapos naming mag-usap. Tama sila, huwag ko parating ibase sa sariling kagustuhan ang magiging takbo ng buhay at dapat ay binubuksan din ang teynga upang pakinggan ang iba. Malay mo, makakatulong pa sila sa'yo upang makamtan ang mithiin sa buhay. Maya-maya pa, pumasok na si Ma'am Eloisa at nagturo. Mahusay magturo si Ma'am pero tila inaantok ako. Hindi ko tuloy maiwasang mapayukod. Matapos ay lumabas na kami. Kung magsama-sama kaming apat, tila nalimot ang tungkol sa kanina at natutuwa naman ako sapagkat kahit ganito ang pag-uugali ko, nauunawaan pa rin nila ako at sana nga, di sila magsawa't sumuko sa akin.

6o-a. Makalipas ang dalawang oras, bumalik na kami sa silid. Sa oras ng English, pinakanta ni Sir Jenor sa harapan ang lahat ng mga bagong dating. Nang si Jed ang bumirit ay para akong nanonood ng Concert pagkat nakakabingi ang hiyawan. Kahit sa palagay ko na magiging boring tuwing oras ng English ay masaya pala at nakakalibang. Matapos ang ilang sandaling katuwaan, nagturo na si Sir. Tungkol sa Communication ang itinuro sa amin at bawat kaklaseng kanyang tinatawag ay pasidhi ng pasidhi ang kaba sa dibdib. Ibig ko sanang magtaas ngunit wala naman mabuo sa utak at tila naba-blangko ako.

6o-b. Makalipas ang ilang sandali, Statistical Science na. Akala namin, nakaligtas na mula sa Math subalit nagkakamali kami't sumakit ang ulo sa kakaintindi at pagso-solve ng Formula. Ganito pala ang application ng asignatura na ito at hawig na hawig sa Mathematics pagkat more on solving and Computing the equation of a given sample. Hindi naman ako nahirapan sa naging lesson namin kinalaunan subalit natsa-challenge ako ng husto. Ilang sandali pa ang lumipas, sa wakas at uwian na. Naghihingalo na ang liwanag ng ako'y makarating sa bahay. Medyo pagod ako ngayon kaya diretso hilata sa kama. Sarap talagang magbuhay alamang kapag wala ka ng inaalala pa. Maya-maya pa, oras na ng hapunan at ako'y bumangon. Wala muling pasok kinabukasan kung kaya matapos manood ay nagpuyat ako sa paglalaro ngCellphone. Dakong Alas-onse na ng maisipang matulog.


June 24, 2015
Wednesday

Year III-175

6o-c. Araw ng Maynila at pista naman ng San Juan. Kahit di dekleradong holidaydito sa amin ay wala pa rin kaming pasok, di ako maagang gumising. Pagkagising, dinig ko ang kalampag ng bubong, umuulan pala ng malakas sa labas at tila kay aga naman. Tag-ulan na nga talaga at wala ng pinipiling oras kung kailan ito darating. Nagpakita naman ang haring araw matapos bumuhos ang ulan at sa linis ng kalangitan, tila di dumaan lamang ang malakas na ulan at nakakapaso muli ang init nito. Diretso gawaing bahay ako matapos mag-almusal. Maya-maya, nagbantay muli sa tindahan. Manaka-naka talaga ang dating ng mga mamimili at kung may mamimili man, iyon ay mga bata. 

6o-d. Kung ako magkakaroon ng sariling tindahan, di ako magtitinda ng mga pambatang bilihin tulad ng laruan at Candy sapagkat kakaunti lamang ang kinikita mula sa kanila at minsan ay nakakaubos pa ng pasensiya lalo na kapag matagal bumili. Nang dumating si ina at matapos magtinda, nagtungo ako sa labas at nagkumpyuter. Nakakabanas lamang dahil nagloloko ang Personal Computer. Hindi tuloy ma-edit ng maayos ang mga Files at pahirapang i-save. Kahit sige sa pagloloko, nagtiyaga na lang ako at nagbabakasakaling masusolusyunan pa subalit wala na talaga at di na magawan ng paraan. Ang masaklap pa, pinapalipat ako sa ibang Personal Computer at kailangang umulit.

6o-e. Matapos ang halos dalawang oras na aking pinagpaguran ay mauuwi lamang sa wala. Labis ang aking pagkadismaya ng panahong iyon at ibig sanang ulitin, kaso lumalaki na ang gastusin sa renta at baka hinahanap na ko. Lumong-lumo akong umuwi't iniisip kung bakit ito nangyari sa akin. Pagsapit ng hapon, pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko. Nagagalak naman ako dahil sunod-sunod na ang mga bumibili, ni hindi na nga alam kung sino ang uunahin kong kostumer sa pag-aasikaso at minsa'y natataranta na. Grabe at di pala biro ang magtinda kapag ora-oradang dumadating ang mga mamimili at kailangan ay alerto ka. Kinagabihan, anong ingay muli ang namayani sa aming kapaligiran dahil sa mga nagsusugal at panay pa ang hiyawan at tawanan na akala mo'y wala ng bukas. Nakadagdag pa sa ingay ang pagkakaraoke't wala na marahil itatahimik ang Mundo namin. Alas-dyis na subalit dinig ko pa rin ang ingay at di na makamtan ang hinahangad na kapayaan. Sa ingay, hindi na tuloy ako makatulog at nagtitiis na lamang.


June 25, 2015
Thursday

Year III-176

6o-f. May pasok nanaman at dakong Alas-singko pa lamang ng ako'y magising at bumangon. Tila kasing kulay ng bahaghari ang umaga ko kahit wala naman dahilan at may kasiglahang pumasok. Pumalit ang matinding stress ng maipit sa mabigat na trapiko at mukhang mahuhuli muli sa pagpasok. Lagpas Alas-siete y medya na ng makarating ako sa Eskwelahan at suwerteng wala pa si Ma'am Ria pagkapasok ng silid. Maya-maya pa'y dumating na si Ma'am Ria at hindi akalaing kakamustahin niya ko. Nakakatuwang guro naman siya at siya ang pumaram ng Stress ko. Matapos namin mag-usap, saka pa lamang ito nagsimulang magturo. Tungkol sa Defense mechanism ang itinuro niya at karamihan sa amin ay nakaka-relate sa mga kinukwento ni Ma'am. Iba talaga ang pakiramdam kapag Psychology Student ka at unti-unti ng nakikilala ang tungkol sa sarili.  Pagkatapos ay lumabas na kami at kumain. Wala kaming ibang ginawa ng mga oras ding iyon kundi gumala at magkwentuhan, umiiral ang saya sa dibdib kapag kapiling sila kahit mababaw lamang ang dahilan. Kahit maliit na bagay, kailangan ay matuto tayong maging maligaya at huwag hayaang lamunin ng lungkot.

6o-g. Makalipas ang dalawang oras, nagtungo na kami sa silid. Sa oras ng Cognitive Psychology, tungkol sa parts of the brain and its function ang itinuro sa amin ni Sir Gelo. Hindi nga lang ako makapag-concentrate sa pakikinig sapagkat ang gugulo ng katabi ko, sinaway ko nga. Ilang sandali pa, lumipat na kami ng ibang silid. Bago magsimulang magturo si Sir Esguerra, nagdasal muna kami. Sa lahat ng naging guro ko nitongCollege, tanging si Sir Esguerra lamang ang higit na nakakaalala sa Diyos. Matapos nito ay nagturo na siya. Maya-maya, ang kanyang pagtuturo ay biglang napadako tungkol sa naging estudyante nito na trumaydor sa kanya noong last semester. Biglang lumiyab ang dibdib ko ng ikwento niya iyon at di namin akalain na may estudyanteng maglalakas loob na gawin iyon sa mga professor. Kabait ni Sir Esguerra pero iyon ang iginanti sa kanya at wala siyang puso at konsensiya!

6o-h. Sa dinamirami ng ikinuwento ni Sir, di namalayang Ala-una y medya na at kailangan na namin magpaalam. Dahil inilipat sa ganitong araw ang aming PEclass, sa halip na uwian ay nagtungo pa kami sa may Athletic Center at nagbihis. Palaisipan sa amin kung sino ang magiging guro sa PE at sana'y mabait at di nangbabagsak. Ilang sandali pa, dumating na ang aming Professor, Ma'am Darvy ang pakilala niya sa amin at parang naalala ko si Ma'am Mina dahil magkahawig sila sa boses at paraan ng pananalita. Bukod pa roon ay nakakatuwa rin siya magturo't mahilig magbiro. Dahil medyo naghahabol kami, matapos ituro ang tungkol sa paraan ng paglalaro ng Board games, agad-agad ay nagpangkat-pangkat na kami at naglaro ng Scrabble. Mabuti na lamang, marami na kong alam na mechanics sa larong iyon kaya di ako gaanong nahirapan.

 6o-i. Naramdaman ko talaga ang kasabikan habang naglalaro ng Scrabble subalit nahirapan lang sa pagbuo ng Words sapagkat puro consonant ang nabubunot ng kamay. Hindi inakalang ako ang kulelat sa aming magkakagrupo subalit enjoy pa rin naman at umaasang makakabawi. Ibig pa sana naming tapusin ang laro, kaso kinapos na sa oras at kailangan ng iligpit ang kanya-kanyang Scrabble board. Sa huli, di naman ako naging kulelat at pangatlo pa nga. Nakakaganang pumasok tuwing PE kapag puro palaro sa halip na sayaw. Sa pagod ay diretso hilata ako pagdating sa bahay. 

6o-j. Maya-maya'y nagbantay muli sa tindahan. Kinagabihan, panonood muli ng telebisyon ang inatupag ko. Napukaw ang damdamin ko sa napanood na eksena sa Nathaniel sapagkat matapos ang mahabang panahon, nagkatagpo na ang mag-ina subalit di pa nito nakukumpirma na si Nathaniel nga ba ang nawawalang anak. Iba talaga ang pakiramdam kapag nanonood ka ng drama at bukod sa paluluhain ka ay may matutuhan ka pa. Ang Cute talaga ni Nathaniel at sarap ampunin. Ang buhay nga naman, parang teleserye na hangga't buhay ka at ikaw ang bida, darating at darating ang pagsubok sa'yo. Kung dumating man, tibay ng loob ang kailangan at huwag susuko sapagkat iyon lamang ang tanging paraan upang malampasan ang pagsubok.


June 26, 2015
Friday

Year III-177

6o-k. Sumapit nanaman pala ang araw ng Biyernes subalit pakiwaring Huwebes pa lamang. Sa takot na maipit sa mabigat na trapiko at mahuli, kahit mugto pa ang mga mata sa antok ay daglian ng bumangon. Mabilis naman akong nakarating sa Unibersidad at sa tayog ng inakyat ko, makarating lang salaboratory ay hapong-hapo na ng makarating. Mangilan-ngilan pa lang na kamag-aral ang naroroon ng datnan ko. Maya-maya pa, pumasok na si Sir Patrick. Bago kami mag-experiment ng mga Species, nagturo muna ito. Matapos ay tumungo na kami sa wardrobe upang kuhain ang Microscope atslide. Pagkasilip sa Microscope ay labis ang halina ko pagkat kitang-kita angSample Cells ng Species at di pangkaraniwan ang kaanyuan nito. Ni sumakit na nga ang mata sa kakatitig ng structure ng isang Species.

6o-l. Ilang sandali ay nagsimula na kaming mag-drawing kung ano ang nakita sa Microscope. Balak ko sanang tapusin ang pagdo-drawing subalit may sitwasyon talagang sadyang bumabalakid katulad ng ingay, itinigil ko na lamang. Mayroon pala kaming maikling pagsusulit sa Statistical Science kung kaya sinamantala ko ang oras upang magrepaso. Katamad mag-aral kung kumakalam naman ang sikmura kaya ng palabasin, mas maaga pa sa Alas-kwatro ang pagtungo namin sa Canteen. Maya-maya pa'y tumungo na kami sa silid at doon na nanatili. Ipapagpatuloy ko sana ang pagrerepaso kaso saksakan talaga ng ingay sa silid at batid ng isip na mahihirapang isuksok sa utak ang inaaral, di ko na itinuloy pa at nakipagpalitan na rin ng kuro-kuro. Yaman na di pa nun pumapasok si Ma'am Eloisa, naisipan namin ni Anne Rose lumabas.

6o-m. Saktong nagtuturo na si Ma'am Eloisa pagkabalik namin. Tungkol sa patterns and function ang itinuro sa amin ni Ma'am Eloisa. Habang nagtuturo'y bigla na lamang tumunog ang Cellphone ko at dinig na dinig pa. Sa bait ni Ma'am, sa halip na pagalitan ay idinaan na lamang niya sa biro. Nauwi na sa tawanan ang kaninang seryosong pagtuturo dahil sa Cellphone at umiral ang hiya sa dibdib. Maya-maya'y lumabas na kami at kumain. Sa buong oras na bakante, wala kaming ibang inatupag kundi magrepaso sa Statistical Science. Halos sumakit na ang ulo ko sa kakaunawa ng Formula at kainis lamang dahil ni isa'y di man lang tumatatak sa isipan. Ano bang utak ang mayroon ako't sadyang napakapurol. Sina Ella at Anne Rose naman, sa halip na magrepaso ay purogadget ang inaatupag at ang ingay pa. Nawalan na ko ng pokus sa pag-aaral dahil sa kanila.

6o-n. Ilang sandali pa, pumasok na kami sa silid. Habang wala pa si Sir Jenor ay nagpatuloy ako sa pagrerepaso. Pagdating ay masaya muli ang buong klase dahil may pakakantahin nanaman siya o di kaya pasasayawin. Bahagyang umiral ang inis sa dibdib ng humirit ang mga kamag-aral na sumayaw ako sa harapan. Kahit halos lahat na sa kanila'y inaatubili akong sumayaw sa harapan ay di pa rin ako pumayag. Nakapagturo naman si Sir Jenor matapos ang katuwaan at kaingayan. Tungkol pa rin sa Communication ang itinuro niya. Sa oras naman ng Statistical Science, binigyan pa kami ni Sir Jigo ng tatlumpung minuto upang makapagrepaso. Paano naman makakapag-aral ng maayos kung saksakan naman ng ingay sa silid. Pilit man isinusuksok sa utak ang kahulugan ng mga termino, nakakaligtaan pa rin at sana'y may maisagot mamaya.

6o-o. Ilang sandali pa, nagsimula na ang maikling pagsusulit. Naging sisiw lamang ang pagsusulit kaya kaagad namin natapos. Kampante akong makakakuha ng mataas na marka pero ng maiwasto, di katayugan ang nakuha ko at nakakadismaya. Dahil may nalalabi pang oras ay nagkaroon pa ng Competition sa pagso-solve. Kahit di ako ang nakasalang sa pisara'y nag-uumapaw pa rin ang kaba't hinihiling na manalo ang aming pambato. Sa huli, laking tuwa namin sapagkat ang pangkat namin ang nagwagi. Nang uwian na at kasama sila Ella ay naglakad lamang kami hanggang SM. Kahit may kalayuan ang nilakad ay di naman ako napagod pagkat masaya silang kasama at kausap. Saktong nadatnan kong naroroon ang Tita Susan pagdating ng bahay. Sa gutom ay isinantabi ko munang makipagtsikahan sa kanya. Tamang huntahan lang sa kanya matapos kumain at dami kong bagay na naikwento sa kanya. 


June 27, 2015
Saturday

Year III-178

6o-p. Pagkagising, Alas-Singko na pala, sa antok ay ibig  pa talagang matulog ng matagal subalit kailangan ng bumangon. Habang lulan ng tricycle ay halos di na ko makahinga sapagkat napapalibutan na ng dalawang taong naninigarilyo. Wala na nga akong malanghap na sariwang hangin kundi usok at nagtiyaga na lamang. Mukhang magiging Second Smoke person victim ako dahil sa kanila. Ang mga tao nga namang mahilig manigarilyo, walang pakundangan kung makahithit buga sa mga taong makakalanghap nito at ang nakakainis, mas magsa-suffer pa ang baga ng mga nakakalanghap kaysa sa gumagamit. Kapag ako naging Presidente, isa sa magiging panukala ko ang ipagbawal ang pagbebenta ng Sigarilyo. Di pa natapos ang kalbaryo sa paghinga sapagkat pagkasakay naman ng bus, halos maubasan na ng paghinga dahil siksikan.

6o-q. Paano, sakay sila ng sakay kahit punuan na at mukhang pahirapan sa akin ang makababa mamaya. Laking pasalamat ko ng mabawasan ang pasahero bago pa man makadaan sa Eskwela. Pagkarating at dahil may maikling pagsusulit kami sa Theories of Personality, ako'y nagrepaso. Ilang sandali pa, pumasok na si Ma'am Ria. Kahit kailan talaga, masyadong mahigpit si Ma'am pagdating sa pagsusulit at ayaw niya ng dikit-dikit kami o anumang bagay na nasa bangko maliban sa papel at ballpen. Nang matapos ang set-up, nagsimula na ang pagsusulit. Masyadong maikli ang oras na ibinigay sa amin ni Ma'am kaya labis akong napi-pressure sa pagsagot at idagdag pa ang hirap ng pagsusulit. Maya-maya pa at di man lang namamalayan na time is up na't sa loob ng ganong oras ay kakaunti lamang ang nasagutan ko. Ibang klase talaga magbigay ng pagsusulit si Ma'am Ria at nagdurusa ang utak namin sa kanya. 

6o-r. Matapos ay lumabas na kami at tumungo sa Library. Wala naman magawa kung kaya kuwentuhan muli kami. Ang kaninang masinsinang pag-uusap, napadako sa kwentong nakakatawa at muntikan ng sumakit ang tiyan sa kakatawa. Sa saya ng aming kwentuhan, di namalayang Alas-dyis na pala't kailangan ng tumungo sa silid. Hindi raw makakapasok si Sir Gelo subalit nagkaroon pa rin kami ng aktibidad at iyon ay i-drawing ang parts of the brain. Di talaga ako magaling pagdating sa pagguhit at anong hirap  sapagkat masyadong kumplikado ang bawat detalye ng pinanggagayahan at di makopya ng husto. Batid ng isip na next week pa raw iyon ipapasa kung kaya itinigil ko na. Makalipas ang ilang sandali, tumungo na kami sa ibang silid. Bago magsimulang magturo si Sir Esguerra, may dalawang partido ang pumasok at nangampanya.

6o-s. Tawanan kami ng magpakitang gilas sa pagsayaw ang mga tumatakbo at sa dami ng kanilang platapormang ibig ipatupad kapag naluklok, mukhang matatapos ang oras na di pa nakakapagturo si Sir. Nakapagturo naman si Sir Esguerra matapos ang pangangampanya, kaso saglit lamang pagkat kinapos na sa oras. Hinintay pa namin ni Anne Rose na matapos sa pangangampanya si Catherine bago umuwi. Habang ito'y hinihintay ay halos matusta na ang balat sa sobrang init, bukod pa roon ay nakakabigay pa ng sakit sa ulo. Halos isang oras na kaming naghihintay subalit di pa rin ito lumalabas at sa inip, nagpaalam na ko kay Anne Rose.

6o-t. Sa alinsangan ng panahon ay nakaramdam na ng hilo. Medyo nag-aandap-andap na ang paningin ko dahil sa hilo kaya diretso tulog pagdating sa bahay. Naghihingalo na ang liwanag ng ako'y magising at naparam naman ang pagkahilo pagkagising subalit pumalit naman ang pagkalam ng sikmura. Dahil hapunan na ng magising ay diretso ako sa mesa. Matapos, ako'y naupo at nanood ng telebisyon. Sa pagsapit ng gabi at dahil may nakaburol ay anong ingay muli ng mga nagsusugal sa aming lugar. Lagpas na ng Alas-dyis subalit nanatiling maingay ang kapiligiran at hiyawan pa na tila walang konsiderasyon sa mga taong matutulog na. Sa totoo lamang, masyado na silang disturbo at kapag ako di nakapagtimpi, irereklamo ko na sila sa barangay. Hirap tuloy makatulog dahil sa ingay ng mga Sugalero.


June 28, 2015
Sunday
Year III-179

6o-u. Sumapit muli ang araw ng Linggo at ito ang araw upang ilaan ang oras sa ating Panginoon. Pakiramdam ko, di na natutuwa sa akin ang Diyos dahil di na nakakapagsimba at mas inuuna ang ibang bagay kaysa sa kanya. Patawarin nawa ako ng panginoon at di ko sinasadya. Balak ko sanang dumalo sa aming Sunday Mass, kaso Alas-otso na pala't di pa nakakapagbihis. Hindi ko itinuloy ang balaking magsimba at sa halip ay ginampanan ang gawaing bahay. May lakad ngayon sila Ina at Ate kaya ako muna ang nagbantay sa tindahan. Para di tuluyang lamunin ng pagkabukbok, naisipan kong makinig ng musika. Nagiging makulay talaga ang takbo ng buhay ko kapag nakakakinig ng awitin at animoy ang saya-saya ng araw ko.

6o-v. Bahagyang pumalit ang kalungkutan ng makitang unti-unting nagsisidatingan ang mga makikipaglibing at luksang-luksa ang kasuotan nila. Bilang pagrespeto sa namayapa, itinigil ko muna ang pagpapatugtog. Lalo pang sumidhi ang lungkot sa dibdib ng patugtugin ang kantang "Hindi kita malilimutan" at napaiyak ako sa mensahe ng kanta. Kahit di ko kadugo o kakilala ang ililibing, naiyak pa rin ako dahil alam ko ang pakiramdam na mawalan ng mahal sa buhay. Kanya-kanyang saboy ng tubig ang mga kapit-bahay pagkalisan ng mga labi ng namayapa't dinig ko ang kanilang mga panaghoy habang naglalakad. Hindi ko lamang lubos maunawaan kung bakit kailangan pang buhusan ng tubig ang daanan na dinaanan ng patay, dahil ba sa pag-aakala na bibisitahin daw ng patay kapag di iyon ginawa. Kung wala naman silang kaugnayan o ginawang kasalanan sa taong namayapa na ay di naman marahil sila bibisitahin ng patay.

6o-w. Kung mangyari man iyon ay bakit di na lang idaan sa dasal upang lubayan sila. Dahil sa mga pamahiin, palagay ko ay nilalayo na nito ang paniniwala sa Diyos. Hapon na subalit di pa dumarating sila Mama at mukhang gagabihin sila sa pag-uwi. Dakong Alas-kwatro na ng makarating sila. Natuwa ako dahil binilhan nila ako ng Jacket, may pangontra na ko sa lamig pagkapasok sa eskwela. Maya-maya'y lumabas na ako at tumungo sa Computer shop. Habang papatungo'y bigla kong nakasalubong si Jeremiah. Ang personal na pangangamusta, nauwi sa masarap na usapan. Dati-rati, kapag mahina siya sa ilang mga Subject ay sa akin siya humihingi ng tulong, pero ngayon ay tila mas marami  na siyang alam kaysa sa akin, mukhang malaki ang nabago sa kanya. Matapos naming mag-usap, saka lamang ako nakatungo sa Computer Shop.

6o-x. Madilim-dilim na ng matapos ako sa pag-renta. Maaga pa at di ko pa ibig ang umuwi, naisipan ko pang gumawi kina Angelica. Pagdating ay tanging mga kapatid lamang nito ang nadatnan ko at ipinabatid na may pinauntahan raw sila. Sa halip na manatili at hintayin pa sila ay nagpasyang umuwi na lamang. Gabi na at ligtas na sa sinag ng araw subalit dama pa rin ang maalinsangang panahon. Maya-maya pa, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Laking tuwa namin dahil makakaahon na mula sa init na nararanasan. Hindi naman tumagal ang ulan subalit nagdulot pa rin ito ng pagtaas ng tubig sa Sapa. Bago pa man matulog, naisipan ko pang mamalantsa ng uniporme. Dakong Alas-dyis na ng maisipang ihimlay ang sarili sa higaan at kay sarap matulog kapag malamig ang panahon.


 
June 29, 2015
Monday
Year III-180

6o-y. Kahit walang pasok ngayon ay maaga pa rin ako nagising sapagkat may lakad. Pagkatapos malamnan ang sikmura, kaagad na akong naligo at nagbihis. Pagkahingi ng kwarta'y tumungo na ako sa eskwelahan upang bumili ng aklat. Pagdating sa may Books and Everything, labis kong ikinahinayang ng ipabatid ng tinderang binabae na out of stock na raw ang librong binibili at sa next week pa raw darating ang kasunod. Paano na ngayon yan, may takdang-aralin pa naman sa Zoology 2 at bukas na ang pasahan niyon. Ano ba iyan at nagpunta lamang sa wala. Problemadong-problemado ako ng mga oras na iyon at di alam gagawin. Kinalaunan ay parang natanggalan ako ng tinik sa lalamunan ng ibenta sa akin ng tindera ang nakareserbang aklat. Laking pasalamat ko sa tindera ng ibenta niya sa akin iyon kahit nakareserba at kay buti niya. Matapos ay tumungo pa sa Library at doon ginawa ang Assignment. 

6o-z. Sa dami ng kailangang sagutan, inabot na ko ng halos dalawang oras subalit di pa natatapos. Magbabayad pa ko ng pangmatrikula para sa Prelim kung kaya tumungo na sa Cashier area. Nanlaki ang mata ko sa gulat sapagkat ang haba ng pila, mabuti na lamang at mabilis itong umuusad. Kung kailan malapit na, saka naman nagsara ang dalawang Cashier Window kung kaya bumagal. Makalipas ang higit sa isang oras ng ako'y makapagbayad at dagliang nilisan ang Eskwela. Bago pa man ako umuwi, naisipan munang tumungo sa Robinson Novaliches at namasyal. Habang naglilibot ay nakita ko ang ganda nito sa loob at tila malaki ang ipinagbago ng mall. Upang makaiwas sa tindi ng init ng panahon ay nanatili muna ako roon at nagpalamig.

6p-a. Maya-maya'y tumungo naman sa National Bookstore at nagtingin-tingin kung ano ang makapa. Balak ko pa sanang libutin maging SM at Fairview Terraces, kaso nauupos na ang lakas ko at kailangan ng umuwi. Para akong sinisilaban sa nagbabagang apoy pagkalabas at makasunog balat ang init. Nang ako'y pasakay ng Tricycle, sa di inaasahan ay biglang nagtagpo ang landas namin ni Pastor Rey. Laking pasalamat ko sa kanya sapagkat siya ang sumagot sa pamasahe ko kahit panay ang tanggi ko. Habang kasabay ko siya ay todo hikayat ito sa akin na sumama sa kanilang pagsamba sa Linggo. Medyo matagal-tagal na rin akong di nakakapagsimba't batid na nagtatampo na ang Diyos subalit nagdadalawang isip ako kung makakapayag ba. 

6p-b. Dahil di sigurado ay kalahati lamang ang ibinigay kong pangako sa kanya. Tungkol sa bibliya pa rin ang pinag-usapan namin hanggang sa pagbaba at wala siyang ibang ginawa sa akin kundi udyukin. Dakong ikatlo na pala ng hapon ng ako'y makauwi. Sa pagod ay kaagad akong nag-siyesta subalit sa init at idagdag na rin ang ingay ng kapaligiran ay di talaga makatulog. Pagsapit ng gabi ay bumuhos nanaman ang napakalakas na ulan. Hindi ko tuloy nasubaybayan ang paboritong programa dahil sa ulan. Ulan ang siyang nagbigay lamig at sarap sa aming pagtulog at sana'y manatiling ganito. 


June 30, 2015
Tuesday

Year III-181

6p-c. Ang bilis ng usad ng panahon at di akalaing nasa huling araw na ng Hunyo. Inaantok-antok pa ng lagay at ibig pang matulog ng matagal subalit kailangan ng bumangon. Tila kay ganda ng umaga at tila walang unos na darating subalit bigla akong kinutuban kung kailan papalapit na ang yapak sa eskwela. Pakiwaring may mangyayaring di maganda. Binalewala na lamang ang pakiramdam ko. Pagdating at habang di pa dumarating si Sir Patrick ay sinamantala ko ang oras sa paggawa ng Assignment. Ilang sandali pa'y dumating na si Sir Patrick. Nabulaga kami ng ipabatid na magkakaroon pala ng Practical Test ngayong araw. Malas nga lamang dahil di ako nakapag-repaso. Matapos ang ilang anunsyo, pinalabas na kami ni Sir. Habang nasa labas ay naging abala kami sa pagrerepaso. Hirap maging buhay estudyante sapagkat tila di naiisuksok sa isipan kung ano ang pinag-aaralan at sumasakit lang ang ulo sa kakaintindi. 

6p-d. Maya-maya pa'y tinawag na kami ni Sir Patrick. Pagkapasok ay Moving exam pala ang sistema ng aming pagsusulit at kita kong nakaayos na sa bawat mesa ang mga Species. Wala ng humpay sa pagkabog ang dibdib ko kahit di pa nagsisimula ang pagsusulit at labis na ang kaba. Ilang minuto makalipas ay nagsimula na ang Moving Exam. Labis ang aking pressure sapagkat maikli lamang ang ibinigay na oras upang sagutan ang mga tanong sa bawat istasyon. Sa sobrang taranta, di na tuloy nakapag-isip ng maayos at karamihan sa aytem ay walang kasagot-sagot. Saka lamang nakahinga ng maluwag matapos ang Moving Exam at goodluck na lang sa magiging resulta. Matapos ay lumabas na kami at kumain. Dakong Ikasampo na ng tumungo kami sa silid. Laking shunga ko talaga dahil di nakapagdala ng Jacket, nilalamig tuloy ako.

6p-e. Ilang sandali pa, pumasok na si Ma'am Eloisa. Tungkol sa Homology ang itinuro nito, kahit tutok na tutok ang teynga ko'y di pa rin maunawaan ang kanyang mga sinasabi at napapakunot ang noo. Kapag kay Ma'am Eloisa ay di lang dapat pakikinig ang kailangang pagtuunan kundi pagbabasa rin upang maunawaan ang kanyang itinuturo. Umaasa na lamang sa kabaitan ng guro para makapasa. Matapos ay lunch break na. Hindi ako nagugutom nun kung kaya sa halip na kumain, nagbasa na lamang ng Hard copy ng Zoology 2. Nawala ako sa konsentrayon ng dumating sila Gelo. Humihingi pala sila ng tulong na pakiusapan ang kanilang professor sapagkat nahuli ito sa pagpasok. Pagkadungaw sa may pintuan ay laking gulat ko pagkat si Ma'am Ria angprofessor nila. Sa takot, di ko na nakausap pa si Ma'am Ria. Umiinit pa naman ang ulo nito sa mga estudyanteng nahuhuli ng dating. Kita ko sa kanila ang takot habang tinatangkang buksan ang pintuan.

6p-f. Maya-maya'y natapos na ang kanilang klase't pumasok naman kami. Sa oras naman ng English, nagturo lamang si Sir Jenor. Akala ko dati, mahigpit siya maging guro pero di pala at nakakatuwa pang magturo. Halos mapunit na ang ngala-ngala sa kakatawa dahil sa kanya. Para kaming bumalik sa Filipino 1 ng bigkasin isa-isa ang mga Artikulasyon ng mga letra at sa oras na nagkamali ay hindi maiwasang humalakhak. Biglang pumalit ang lungkot ng ipabatid sa amin na di na siya ang magiging guro sa susunod na pagkikita. Kung kailan nagugustuhan na namin siya, saka pa kami iiwan. Sana'y katulad niya ang pumalit na guro sa amin.

6p-g. Sa oras naman ng Statistical Science, bago magsimula ang klase ay nagkaroon kami ng Eleksyon. Sa kagustuhan kong maluklok ang mga taong may malinis na hangarin at mapagkakatiwalaan, naging matagal ako sa pagpili. Sana'y manalo ang mga binoto ko’t kung manalo man ay maging tapat sa kanyang tungkulin. Matapos ay nagsimula nang magturo si Sir Jigo. Sumakit muli ang ulo ko dahil mae-expose muli sa Math. Kahit nahihirapan na ay di pa rin sumuko sa pagso-solve. Nakuha ko naman ang kanyang itinuro kinalaunan. Lundagan kami sa tuwa ng uwian na't pagdating sa bahay ay pagkain muli ang nasa isip. Pagsapit ng gabi at gawa na walang pasok kinabukasan, naisipan kong makinig ng musika. Nang dalawin ng antok ay saka lamang magpasyang matulog.