Huwebes, Disyembre 31, 2015

36. December 2015 Journal (Day 1065-1095)

December 01, 2015
Tuesday

Year III-335

7k-l. Huling buwan na para sa taong ito't nabibilang na lamang ang araw bago sumapit ang Pasko. Kahit hindi magarbo ang aming handaan, basta't kumpleto, nagmamahalan at nagbibigayan ay sapat na upang maging maligaya ang Pasko. Sa hirap ba naman ng buhay ngayon ay maiisipan pa bang maghanda ng bonggang-bongga't kailangang matipid-tipid ngayong panahon ng tag-gipit. Kahit parating hikahos, sana'y maging masagana pa rin ang pagpasok ng Bagong Taon. Sa kasibaan kong matulog, dakong Alas-siete ng mapagpasyahang bumangon. Nakakabagot ang oras kaya pagbabantay muli sa tindahan ang siyang inatupag. Sumunod ay gawaing bahay at sa dami ng nalikom na alikabok, binahing ako ng husto't sipunin. Mabuti na lang, di nauwi sa masamang pakiramdam. May pasok nanaman ngayong araw kaya matapos ang gawaing bahay, agaran ng inihanda ang sarili.

7k-m. Pagdating sa unibersidad at bago ipihit ang kalis sa silid ay tumungo muna sa panahian upang kuhain ang ipinadsadyang uniporme. Makukuha na sana, ang problema'y di nila nailista kung magkano ang naihulog ko, ang nakakasakit pa ng ulo, nawawala ang aking resibo. Hinalughog ko ang bag subalit di masumpungan. Pumasok akong may kabigatan sa mukha't di maipinta. Habang wala pa si Ma'am Joyce at sa halip na makipagdaldalan, pagbabasa ang inatupag ko. Ilang sandali pa ng pumasok si Ma'am Joyce at nagturo. Tungkol sa mga taong may ADHD ang naging lesson namin. Nakakalibang at di namin akalain na ang ilan sa mga sintomas ng may ADHD ay mayroon kami gaya ng pagiging hyper at di palaimik minsan.

7k-n. Sa palagay ko, ang di natin namamalayan, may iilan sa kamag-aral o kakilala ang may ganung uri ng sakit subalit mahirap tukuyin, lalo na't karaniwan sa mga taong nakikita ko'y di palaimik at hirap makuha ang atensyon, bakit kaya? Matapos ang klase, tumungo muli sa panahian. Wala pa ring pagbabago pagkat hindi nila ibibigay hangga't di ipinapakita ang resibo, nakiusap ako sa kanila. Nang maglaon, napakiusapan naman at pagkakuha, agaran ng umalis. Halos magkandakuba na sa dami ng dalahin. Bago ipihit ang yapak sa tahanan, nagtungo muna sa Computer shop. Anong ingay ng mga umuupa sa shop na pinasukan at kada usap, may kaakibat na mura, marahil ay ako lamang ang matinong nilalang pagkat halos lahat, hitsurang butangero't lapitin ng basag-ulo. Maingay na nga, ang bagal pa ng internet connection, di ko na nagawa pang magtagal. Kinagabihan, di pa inaantok ng lagay kaya naisipan munang mag-soundtrip. Malapit na ring lumalim ang gabi ng mapagpasyahang matulog. 


31 | 24 Pumasok na ang buwan ng Disyembre at dalawang pu't apat na araw na lamang, Pasko na.


December 02, 2015
Wednesday

Year III-336

7k-o. Habang lumalapit na ang Pasko ay unti-unti na ring nararanasan ang paglamig ng panahon. Katamad pang bumangon sapagkat giniginaw at inaantok pa, hindi ko ibig ngayon ang lumiban sa klase kung kaya nilabanan ang antok at iniangat ang sarili. Maging sa pagligo'y tamad na tamad ako subalit ginawa pa rin. Mukhang mahuhuli na sa pagpasok kaya nagmamadali na sa pagkilos subalit wala pang Professor pagkaapak sa Unibersidad. Maya-maya pa, pumasok na si Sir Lanuncia. Sa tinagal-tagal ng panahon, ngayon lamang naiintindihan ang kanyang lesson subalit may mga oras na sumasakit ang ulo at nalilito sa tuwing nauunawaan. Sa pangkalahatan naman, naging madali ang panibago niyang lecture. Matapos magturo, nagkaroon kami ng Class recitation. Hindi lumukob ang kaba sa dibdib sapagkat madadali lamang ang mga katanungan at agad naman nasasagutan.

7k-p. Mayroon palang maikling pagsusulit sa Sikolohiyang Pilipino kaya habang di pa dumarating si Sir Barrion, kami'y nagrepaso. Pilit man ipinapasok sa utak ang bawat detalyeng pinag-aaralan, nakakaligtaan pa rin. Idagdag pa ang maingay na sitwasyon kaya lalo pang nawalan ang konsentrasyon, itinigil na ang pag-aaral. Todo welga kami ng dumating si Sir Barrion at nagningning ang tuwa sa mga mukha ng iurong sa ibang araw ang aming pagsusulit at nagturo lamang ito. Mistulang Sleeping Pills ang pagtuturo ni Sir sapagkat nakakaantok. Pinipigilan ko na lamang na huwag makatulog ng di masita. Buhay na buhay ang mga kamag-aral ko't sangkatutak ang katanungan ng mapunta ang usapin tungkol sa HIV. Dami kong tawa sa pinagsasabi ni Sir at di maiwasang mag-react. Sa ganda ng topic kahit pampalibog oras, di na natalakay pa ni Sir ang mga nakaatang pang aralin.

 7k-q. Dahil Psychology Week ngayon at wala ng klase sa mga sumunod pang asignatura, matapos kumain ay nagtungo kami sa Auditorium at nanood ng It's Psych time. Iba't ibang mga kalahok na pawang Psychology Student ang nagpakita ng kanya-kanyang talento, may kumanta at ang ilan naman ay sumayaw. Ang kikinam ng boses nila't ang huhusay sumayaw na tila pwede ng sumali sa mga talent show tulad ng Pilipinas Got Talent It's Showtime. Ang tilian at hiyawan wala ng humpay at halos marindi kami sa ingay. Lalo pa kong namangha ng may isang dalagitang nagngangalang Aaliyah ang umawit at bukod sa makapukaw damdamin ang kinanta, ang taas pa ng boses at Standing ovation ang halos lahat matapos nitong umawit. Sa lahat ng performer na natunghayan namin, si Aaliyah ang bukod tanging magaling at pinahanga niya ako. Mala-Angeline Quinto Regine Velasquez ang boses at kayang-kayang pantayan.

7k-r. Maya-maya, may isang gwapitong lalaki ang sumayaw sa stage at di magkandamayaw sa kilig ang mga kababaihan sa tuwing lumalapit ito't blushang mukha. Tapos, Selfie pa kasama niya maging mga bakla, gusto ko sanang maki-picture together with him, kaso umiral ang hiya. Uuwi na sana ako subalit di pinayagan at di pwedeng umuwi hangga't di natatapos ang program. Tila preso tuloy na di makalabas-labas at kating-kati na talaga. Sa ikalawang subok, gumawa na ng dahilan at doon lamang napapayag lumabas. Pagkauwi sa bahay, doon naalala na nakalimutang iuwi ang pinatahing uniporme. Kainis at nag-uulyanin na ko. Nasa mananahi naman iyon kaya panatag ang loob na di mawawala. Iyon nga lang, kailangan kong paghandaan ang mga sasabihin ni ina.


30 | 23 Dalawang pu't tatlong araw na lamang at Pasko na.


December 03, 2015
Thursday
Year III-337

7k-s. Dahil Psychology Week pa rin at wala namang klase, napagpasyahang huwag ng pumasok. Dakong ikaanim pa lamang ng ako'y magising. Heto na ang pinangangambahang mangyari sapagkat sa aking paggising, mapupusok na salita ni ina ang aking naulinig. Kilala ko si ina at titigil naman ito kapag napagod at nagsawa kaya hinayaan na lamang siyang pumutak at di sinagot, kaso napakaingay niya talaga't sakit sa teynga, nagawa ng magtakip. Kasalanan ko rin naman ito't kung di lamang nakalimutang iuwi ang uniporme kahapon, wala sanang maririnig. Hindi mabatid sa sarili kung bakit ako nagkakaganito. Humupa naman ang pagtalak nito kinalaunan.

7k-t. Nakatikim man ng naglalagablab na salita, nanatiling maganda ang umaga. Matapos mag-almusal, gawaing bahay muli ang iginugol ko. Walis dito, walis doon pa rin at sa araw-araw na ginawa ng diyos, tila walang katapusan ang dumi't alikabok. Sinisipag ako kaya wala sa akin kung gabulto pa ang malikom at bahingin. Ng malinisan ang buong bahay, paglalaba naman ang sunod na inatupag. Kahit labandero ka o maliit lamang na trabaho ang pinapasukan ay marangal pa rin sapagkat may naitutulong ka't binubuhay, kaya huwag ikahiya kung iyan lamang ang trabaho mo. Ayos na sa akin na ganito, na kahit di kinakausap at pakiwaring malayo ang loob sa kanila, basta sa pamamagitan nito'y naipapakita na may silbi ako.

7k-u. Hindi na importante kung di nila ako pahalagahan ngayon dahil alam natin, lahat tayo'y may halaga't balang araw ay makikita nila kung gaano ako kahalaga. Nagpatuloy ako sa pagkukusot hanggang sa matapos na walang kahirap-hirap at pagod. Wala ng magawa kung kaya naisipan muling gumuhit. Maghapon ko iyon inatupag at kahit paano, unti-unti ng napag-iibayo ang Skill ko sa pagdo-drawing at pakiramdam ko sa tuwing matatapos ang iginuhit na larawan, para akong nagwagi at di akalaing makakaya iyon. Sa labis na abala ko sa pagguhit, di namalayang gumagabi na't oras na ng hapunan. Maging sa pagsapit ng gabi at bago matulog at iyon lamang ang siyang pinagkaabalahan at kahit minsan ay nahihirapang makuha ang detalye ng larawan, nakakalibang pa rin at pakiwaring napakatalentado ko. 


29 | 22 Dalawang pu't dalawang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


December 04, 2015
Friday
Year III-338 

7k-v. Medyo napasarap muli ang tulog ko kung kaya tirik na ang haring araw ng mapagpasyahang bumangon. Sa muling pagkakataon at matapos mag-agahan, gawaing bahay muli ang siyang inatupag. May tamad sa aking dibdib na ako'y pumasok at ibig parating manatili sa bahay subalit sayang ang baon maging ang kaalamang magpapalawak sa aking kaisipan. Tinatamad man, di ako nagpanaig at nagawa pa ring pumasok. Pagdating ko sa Unibersidad at bago tumungo ng silid, nagpasukat muna ng uniporme sa mananahi. Hirap talaga ng kalagayan kapag malaking bulas ka sapagkat mahirap hanapan ng tamang sukat at bibihira lamang iyon para sa akin. Ang nakakapagtaka pa, di hiyang sa katawang ang ibinigay na pantalon at kahit paluputan ng sinturon, nahuhubaran pa rin sa kaluwangan.

7k-w. Nang makapagpasukat ng uniporme't nahanapan na ng tamang sukat, saka lamang tumungo ng silid. Saktong naroroon na si Ma'am Joyce pagkatungo roon subalit umalis muna ito. Sa pag-alis ni Ma'am ang pamamayani ng kaingayan sa buong silid at walang patid ang hagalpakan. Kung pagmamasdan sila, ang saya-saya't tila walang kinakaharap na problema. Bigla kong naramdaman ang lungkot ng maikumpara ang buhay sa buhay nila't iniisip kung darating pa ba ang panahon na ako'y magiging maligaya. Hindi ko lang alam kung may isasaya pa ba ang buhay na ito o puro kalungkutan na mapagdaraanan. Mahirap ngumiti kung ang nasa dibdib ay kalumbayan. Bahagyang pumayapa ang silid sa pagbabalik ni Ma'am Joyce at nagkaroon kami ng Dry Run recitation.

7k-x. Sa lalim ng iniisip, nabigla ako ng tawagin ni Ma'am. Matapos ay nagturo pa ito. Balak ko pa sanang manatili sa eskwela't hintayin ang magaganap na Pageant, kaso ibig na ng isip na umuwi. Sadyang napakaalinsangan ng panahon sa aking pag-uwi na nagbigay sakit sa ulo. Sa sakit ng ulo, pagdating ng bahay, kaagad akong nagpahinga. Dakong takip-silim na ng ako'y magising subalit di pa rin napapawi ang pananakit ulo't tila sisipunin ako. Nawala naman ang sakit ng ulo pagsapit ng gabi't pumalit naman ang pananakit ng lalamunan. Ano ba ito at mukhang marahil ay magkakasakit muli ako na dalanging huwag matuloy. Hindi pa dinadalaw nun ng antok kaya naisipan muling mag-drawing. Dakong Alas-onse ng maisipang ihimlay ang sarili. 


28 | 21 Dalawang pu't isang araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


December 05, 2015
Saturday

Year III-339

7k-y. Bandang madaling araw ng ako'y magising na ginaw na ginaw kahit balot na ng kumot. Pagkahaplos sa sarili, sinisinat pala't bukod pa roon ay dama ang hapdi ng lalamunan. Parang may plemang nakadigkit na hirap ilabas at barado din ilong. Hindi ko mabatid kung ano nagbigay sungit sa aking timpla. Nawala naman ang sinat ko pagputok ng liwanag at kahit di kagandahan ang pakiramdam, hindi ko nagawang lumiban ng klase. Pagdating sa Eskwela, tila ang dalang ng pagdating ng mga estudyante at halos maging Ghost town na ang buong Campus, hindi ko batid kung anong mayroon. Pakadako ng silid, mangilan-ngilang kamag-aral lamang ang naroroon at doon ko nalaman na walang klase dahil may events. Dapat pala'y di na lamang ako pumasok. Ako'y batong-bato kaya nanatili muna sa labas. Makalipas ang ilang sandali, tumungo na kami ng Canteen.

7k-z. Masama ang pakiramdam ko kaya di na nakisabay pa sa kanila. Tamang kwentuhan lang habang sila'y nalantak at ng biruin si Janna, sa halip na matuwa'y nainis ito sa akin. Hindi ko batid na magiging ganoon pala ang reaksyon niya't kita sa mukha ang pagkayamot. Para hindi na mauwi pa sa away, humingi na ng tawad sa kanya. Sa nagawa kong ito, pakiwaring di na nila ako mapagkakatiwalaan pagdating sa sikreto. Hindi ko alam sa sarili kung bakit sa bawat kinikilos ay tila ikapapahamak ng dignidad ko. Kaya minsan, di na lamang umiimik ng sa gano'y maiwasang makapanakit. Hindi ko naman intensyong makapanakit pero bakit sa tuwing may sinasabi ako, may damdaming nasasaktan, iyan din minsan ang hirap sa mga taong kausap, binibigyan ng kahulugan. Kinalaunan ay nagkaayos naman ni Janna.

7l-a. Dahil wala na talagang klase sa mga susunod pang asignatura, napagpasyahan ko ng umalis. Bago umuwi, naghanap muna ako kung saan ang lamination subalit pawang kay mamahal ng singil at di abot kaya ng bulsa, umuwi na lamang ako. Sa sama ng pakiramdam at sa pagod na rin, pagkaapak ng tahanan ay kaagad akong nag-siyesta. Kinagabihan, panonood ng telebisyon ang naging pampalipas oras ko. Makapukaw damdamin muli at nakakaiyak ang natunghayang palabas sa Maala-ala mo kaya sapagkat may isang ina ang nagpakamatay dahil di na niya nakayanan pang harapin ang kabigatan sa buhay. Nakaka-guilty naman kung ang nanay mo ay namatay dahil sa kagagawan nating mga anak at di maiwasang sisihin ang sarili kapag nangyari iyon. Tingin ko, kung nagsumikap lamang ang mga anak at tinupad ang kahilingan ng nanay nila, di na sana magiging malaking konsumisyon sa kanya at hahantong sa ganong pangyayari. Mali siya dahil sumuko ito't dapat ay di nawalan ng pag-asa sa buhay at nagpakamatay.

7l-b. Sa Magpakailanman naman, may isang ina ang iniwan ang mga anak dahil binubugbog ito ng asawa't pinabayaan sila. Subalit ng maglaon ay bumalik ito't pinagsisihan ang mga nagawa, pinatawad naman ito ng mga anak at nakakaiyak ang naging ending. Puro tungkol sa mga ina ang kwento ng dalawang programa't tama sila, kung ang anak ay kayang tiisin ang magulang o ina subalit walang ina ang kayang tiisin ang anak. Kaya minsan, kahit nabubungangaan ni ina't pakiwaring wala ng ginawang tama, nararamdaman kong di niya ko kayang tiisin at gagawin ang lahat, mapabuti lamang ang buhay. Malungkutin akong nilalang subalit di dapat malungkot ng ganon sapagkat maaring mauwi sa depression at kapag nangyari 'yon, papangarapin ng tapusin ang buhay. Tinangka kong magpakamatay ng panahong nakakaranas ng kalungkutan subalit  napag-isip-isip na di dapat sayangin ang buhay para lamang doon dahil hangga't may buhay, may pag-asa.


27 | 20 Dalawang pung araw na lamang at Pasko na.


December 06, 2015
Sunday
Year III-340

7l-c. Dama pa rin ang pagkirot ng lalamunan sa tuwing lumulunok subalit hindi na kasing sama gaya ng kahapon ang pakiramdam ko. Napasarap muli ang tulog ko kaya pumutok na ang liwanag ng magising. Gawaing bahay agad ang siya kong inatupag. Matapos ang gawaing bahay at dahil tinamaan muli ng pagkabagot, balak sanang mag-access ng Internet, kaso nagloloko ang Wi-Fi at nahihirapang makakonekta, pagtitinda na lamang ang naging pampalipas oras ko. Nakakainip ang magbantay, walang gaanong bumibili at kung mayroon man, pawang mga bata lamang na puro tigpipiso ang ibinibigay at ang tatagal pang pumili. Saka lamang itinigil ang pagbabantay ng makauwi si inay. Pagsapit ng hapon at dahil dinudumog na ng mga kuto ang buhok sa kahabaan, napagpasyahan ng magpaputol. Saktong tulog ang Mang Usman pagkatungo ng Barber Shop, ginising ko pa tuloy.

7l-d. Nagising ko naman ito't ginupitan ako. Habang ginugupitan, naging matanong sa akin si Mang Usman subalit di masagot pagkat pawang kay lilibog, idinaan na lang sa paghagikhik. Hindi ko akalain na ganung karumi ang pag-iisip at marahil ay may nakain lamang. Nagtungo pa ng Computer Shop matapos gupitan. Sa sobrang humaling, di namalayang dumidilim na kapaligiran. Hindi ko pa ibig ang umuwi kaya naisipan pang dumalaw sa burol ng ama ni Angelica at kwentuhan muli kami magkumare kasama si kumpareng Rachid. Maya-maya, kami'y naglaro ng Chain Reaction at kainis, kahit anong strategy ang gawin, pumapalya pa rin at si Rachid ang parating nanalo. Hindi ko mabatid kung anong mayroon sa kanya kung bakit ang galing-galing.

7l-e. Habang sayang-saya sa paglalaro ay bigla na lamang nag-away ang mga nagsusugal sa di malamang dahilan at naglalagablab ang binibitawang salita, muntikan na ngang magpalitan ng lakas kung wala lamang umaawat. Iyan ang hirap sa mga taong lulong sa pagsusugal, di marunong tumanggap ng pagkatalo at pinapalabas na dinudugas kahit hindi naman. Hindi ko ibig ang madawit sa gulo at dahil nagkakainitan na talaga, umalis na ko. Naisipan pang tumungo kina Ellen Joyce subalit habang patungo sa kanila at pagkadaan sa bahay ng Ate Let, grabe at labis na ikinahalina ng aking paningin ang mga kumukutitap na Christmas Light at sinasabayan pa ng tugtog, nanatili muna sa kanila't pinagmasdan ang mga 'yon. Animo'y nasa ibang mundo ka na punong-puno ng sigla at kulay kapag nasa tahanan nila.

7l-f. Maya-maya pa'y tumungo na nga kina Ellen Joyce. Sa sarap nilang kahuntahan, tumagal pa sa kanila't di namalayang lumalalim na ang gabi. Hindi ko naman ibig ang abutan ng panibagong araw na nasa piitin, kaya napagpasyahan ng umuwi. Hindi pa ko dinadalaw ng antok kaya nanood pa ng Telebisyon. Kahit na napanood ko na ang Sisterakas, sinubaybayan pa rin at di talaga maiwasang ilabas ang pangil sa tuwing ipapakita ang kakulitan ng tatlong Character na sina Vice GandaKris Aquino at Ai ai Delas Alas at ang husay magpatawa. Sana gaya ng ibang tao ang naging buhay nila na dati'y mortal na magkaaway pero ngayon ay magkabati na, magkasanggang dikit pa nga.


26 | 19 Mayroon na lamang labing siyam na araw bago sumapit ang Pasko.


December 07, 2015
Monday

Year III-341

7l-g. Tila sing tulin ng guhit ng kidlat ang pagdaan ng Weekends at di man lang ito naramdaman. Sumapit muli ang araw ng Lunes at kahit mugto pa ang mata sa antok at ibig pang matulog, kailangan ng idilat at awatin ang sarili sa kama. Kung hindi na kailangan ang pag-aaral upang umasenso ang kaalaman maging ang buhay, di na nagsasakripisyo pang gumising ng maaga. Labag man sa kalooban, kailangan ko talagang pumasok. Habang ako'y naglalakad ay laking tuwa ng alukin ni Ate Mimi na sumakay sa kotse ng asawa nito. Sa hiya ay todo tanggi ako sa una pero menos gastos din sa pamasahe't di na kailangang mag-abang ng masasakyan kaya pumayag na't di akalain na ganun sila kabait. Saktong nasa pisara na si Sir Lanuncia pagkadako ng Eskwela't ito'y nagturo.

7l-h. Ilang sandali pa, laking gulat namin ng magkaroon ng biglaang pagsusulit at patay, di kami nakapagrepaso. Kapag si Sir talaga magbigay ng pagsusulit, pabigla-bigla't hindi man lamang kami inabisuhan bago iyon isagawa kaya paspasang pagsusunog-kilay ang ginawa namin habang may kausap ito. Matapos ay nagsimula na ang pagsusulit subalit ang nakakatuwa, open notes naman. Naging madali lamang ang pagsusulit kaya kaagad namin natapos. Balak pa sanang iwasto, kaso kapos na sa oras. Sa oras naman ng Sikolohiyang Pilipino, pinagpangkat-pangkat kami ni Sir Barrion para sa pag-uulat at saktong si Jet ang nakatuwang.

7l-i. Matapos ang pagpapangkat, nakapagturo pa si Sir. Heto muli siya't naging makwento kaya ang aralin, di muling natapos at tinamaan muli ng pagkaantok. Pero lalo pa itong kumisig at kasilaw sa paningin. Pagkatapos ay tumungo na kami ng Canteen at kumain. Ilang sandali pa ng tumungo ako ng Cashier upang magbayad ng pangmatrikula't saktong napakahaba ng pila, sa haba ng pila'y mukhang aabutin ng susunod na asignatura subalit wala pa si Ma'am Angie maging ang mga kamag-aral pagkadako ng silid. Habang walang guro, may mga lalaking Criminology ang lumapit sa akin at nagtanong, iyon pala'y nagpapatulong na hingin ang Contact number ni Glysa at ako pa talaga ang kinasangkapan nila, walang hiyang iyan!

7l-j. Hindi pa nakuntento si Criminology Boy at nilapitan si Glysa at kinulit-kulit, ang lupit. Kami naman, hiyawan at panay kantiyaw kay Glysa. Hindi ako tunay na babae pero kung ako si Glysa, sa halip na matuwa'y mato-turn off lamang at gagatungan ng kamao sa tuktok. Nakakainis ang ganong lalaki't walang breeding. Natigil lang ang kabaliwang kaganapan ng pumasok si Ma'am Angie at nagturo. Sumasaya talaga ang klase kapag si Ma'am ang nagturo't pampawi antok at Stress. Maya-maya pa'y uwian na. Pagdating ng bahay at dahil may Oral Recitation bukas sa Abnormal Psychology, dibdiban akong nagrepaso. Dibdiban na nga't sinasapuso pa pero di matanggap ng isip ang impormasyong sinusuksok at nakakaligtaan talaga. Hindi ko ibig na biguin si Ma'am Joyce kaya kahit nahihirapan at sumasakit na ang ulo sa kakauntog, ipinagpatuloy pa rin. Sa sobrang kumahog ko sa pagsusunog-kilay, di namalayang hating-gabi na pala. Goodluck na lamang sa akin bukas at tulungan sana ng Diyos.


25 | 18 Labing walong araw na lamang ang nalalabi't Pasko na talaga.


December 08, 2015
Tuesday

Year III-342

7l-k. Anong sama muli ng pakiramdam ko na siyang nagbigay pait sa paggising ko. Kahit sinisipon, hindi naman iyon naging hadlang upang isagawa ang gawaing bahay. Matapos linisan ang buong bahay, pagbabantay naman sa tindahan ang sunod na inatupag. Maya-maya pa'y pumasok na ko. Habang lulan ng Jeep, may mga batang umakyat at humihingi ng limos. Ang rurusing ng hitsura nila't kaawa-awa, mukhang pinabayaan na ng magulang. Nagugutom na raw sila't nagmamakaawang bigyan, labis kong ikinahabag ang kanilang kalagayan ang baong pagkain, ibinigay sa kanila. Nakakagaan ng loob kapag may kapwa kang tinulungan at pakiwaring pagpapalain ng Maykapal at ang buti-buti mo. Pagdating ng eskwela't sa halip na dumeretso ng silid ay nanatili muna sa lobby at sinamantala ang nalalabing oras sa pagrerepaso.

7l-l. Kinakabahan talaga ako't di batid sa sarili kung may maisasagot ba mamaya. Sa kaba, tila ayaw ko ng pumasok at kaharapin si Ma'am Joyce (Lardizabal) subalit nakasalalay ang magandang grado, nilakasan ko na lamang ang loob sa pagpasok. Saktong wala pa si Ma'am pagkaapak ng silid subalit ang ingay, muling namamayani at balakid sa mga nagsusunog-kilay ng dibdiban. Hindi maiwasang makaramdam ng takot sa pagpasok ni Ma'am Joyce at todo welga na sa ibang araw na ituloy subalit natuloy pa rin ang Oral Recitation. Habang di pa natatawag, pwersado ng nagkakabisado. Tila espadang gumuhit ang kaba ng matawag, nadalian ako sa tanong subalit nalito naman, di tuloy nakasagot ng tama. Labis na ikinadismaya ng loob ng pangyayari, matapos kong itutok ang mata't magpakapuyat ng husto sa pag-aaral, may kulang pa rin, tila natalo ako sa isang patimpalak at ganon na ganon ang pakiramdam.

7l-m. Ang taas pa naman ng expectation sa 'kin ni Ma'am, tapos ganon lamang ang ipapakita, nakakababa ng tingin sa sarili't di karapat-dapat na ipagkaloob iyon sa akin. Hindi bale at marami pa namang pagkakataon, doon na lamang babawi. Umuwi akong hindi mapagsidlan ng tuwa sa mukha't tila gulay na nanlalanta. Kahit na dismayado, di pa rin nawawalan ng pag-asa. Walang magawa kaya naisipang lapatan ng mga palamuti ang natapos na Drawing. Hindi din biro ang paglalagay ng disenyo't kailangang akma ito depende sa hitsura ng pagkakagawa, naging mabusisi ako't inabot pa ng gabi ng ito'y matapos. Sana maibigan ng mga taong reregaluhan ang aking gawa't gawing pangtanghal sa bahay. Bago matulog at sa takot na magsuot ng gusot na uniporme, namalantsa muna. Pagkatapos at sa antok, kaagad ng inihimlay ang sarili sa kama. 


24 | 17 Labing pitong araw na tulog na lamang, Pasko na talaga.


December 09, 2015
Wednesday
Year III-343

7l-n. Sarap pa sana ng tulog ko't ibig pang manatili sa Dreamland subalit maaga na't kailangan ko ng bumangon. Medyo nakakaramdam pa rin ng masamang kalagayan kaya sa halip na maligo, nagwisik-wisik lamang. Dakong ikawalo na ng makarating sa Unibersidad at saktong nandoon na si Sir Lanuncia, sa muling pagkakataon, nagkaroon muli kami ng Oral Recitation at isa-isang tinawag. Hindi man ako pinalad kahapon na makakuha ng tamang sagot, sinuwerte naman ngayon pagkat napunta ang napakadaling katanungan, sa dali'y walang ano-ano pang sinagot. Tila nabuhayan ako ng loob matapos sumagot at tama sila, hindi sa lahat ng pagkakataon, parati kang makakalasap ng pagkatalo. Ang nakakatuwa pa, exempted na ko sa mga sumunod pangrecitation, ang saya-saya. Lumigaya't nagkakulay ang araw dahil dun, sobra ang pasasalamat ko sa Diyos ng panahong iyon. Sikolohiyang Pilipino ang sumunod naming asignatura't nagtalakay lamang si Sir Barrion ng mga bagay-bagay.

7l-o. Biglang nagkabuhay ang buong klase't maingay ng mapag-usapan ang tungkol sa pakikipagtalik at dami ko talagang tawa sa pinagsasabi ni Sir. Basta usapin hinggil diyan, diyan sila magaling at ang ilan, mukhang alam na alam kung paano. Minsan talaga, may pagkalibog si Sir. Ilang sandali pa, dissimisal time na't sa aming paglabas ay makusunog balat na init ang siyang tumambad. Tila hindi magpapasko pagkat hanggang ngayon, ramdam ang napakaalinsangang panahon at naiinitan pa rin kahit nakapayong na, nagtiis na lamang. Sa totoo lamang ay hindi na biro ang nararanasang El Niño at maging kutis ng balat, apektado na.

7l-p. Nagtungo kami ng Library at doon nanatili matapos kumain. Ilang sandali pa, dumating si Eloisa kaya ang usapang kabato-bato, naging makwela't walang ginawa kundi magtawanan. Pagkatapos ay tumungo na ng Computer Laboratory. Wala kaming ibang ginawa sa buong oras na ito kundi mag-hands-on at sa tagal ko ng gumagamit ng Computer, marami pa pala akong hindi alam na mas madali at mabilis na paraan na gaya ng ginagawa ng magagaling sa Computer at nakakabilib. Pagkapasa ng mga inilimbag na Activity, umalis na kami.

7l-q. Sa oras ng PE, nagkaroon kami ng Practical test for Volleyball, medyo minalas lamang ng lagay dahil nakaligtaang magdala ng PE Uniform, mukhang di makakasali sa laro subalit sa bait ng guro, pinayagan pa rin. Nang kami na ang sumalang, dibdibang kaba ang umiral at di alam kung paano magsisimula, sa sobrang pressure ko dahil nahuhuli, bawat hampas ay parating palya at minsan ay makabasag bungo ang matamaan. Hindi talaga ako bihasa pagdating sa Volleyball at kailangan pa ng ibayong pagsasanay. Sumapit na ang gabi ng kami'y makauwi't sina Eloisa at Gin Rhead ang kasabay. Kapag sila ang kasama, sumasaya ang buhay pagkat nakakalibang kausap at daming kalokohang nailalabas. Pagdating ng bahay, nanlawak ang mata ko pagkat Fried Chicken at Chapsuey ang hapunan, at sa pananabik ay napasobra ang lantak. Matapos manood at gawa na mugto na ang mga mata, kaagad ng natulog. 


23 | 16 Labing anim na araw na lamang ang nalalabi at Pasko na.


December 10, 2015
Thursday

Year III-344

7l-r. Kahit makatupok nilalang at nakakapaso na ang nararanasang init kahapon, nagyeyelong lamig naman ang sumalubong sa aking paggising at nakakatamad bumangon. Nakakasipon na tuloy dahil sa pabago-bagong klima't mukhang malabo ng gumaling. Kahit may kalamigan ang panahon, maaga pa ring bumangon at nag-almusal. Sa sipag kong ito, maagang nakarating ng Unibersidad. Tumungo muna sa may registrar upang kumuha ng permit subalit sarado ito ng datnan, naghintay muna ako. Nangalahati na ang oras subalit di pa nagbubukas, iyon pala sa may Accountant Area ang kuhaan, naghintay lamang sa wala. Pagkakuha ng permit, tumungo muna ng Library at nagbasa-basa gamit ang Computer. Habang tutok ang mata sa pagbabasa ay may biglang tumapik sa likuran ko, sina Mary at Eloisa pala ang mga iyon.

7l-s. Sa halip na ituon ang pokus sa pagbabasa'y nabaling na sa kanila't dami kong tawa sa mga ikinukwento ni Eloisa at kahit na nasa library ay di mapigilang humalakhak, nasita tuloy kami. Makalipas ang higit sa dalawang oras, tumungo na kami ng silid. Sa oras ng Education 5, nakakaaliw muli ang klase sapagkat may panibagong palaro muli si Ma'am Joyce (Geronimo) sa amin at iyon ay Hep Hep, Hooray, Yes and No. May kaugnayan ang laro namin sa bagong lesson at sa kada row na masalang ay hindi maiwasang magsigawan at tawanan sa oras na magkamali, nakaka-tense at kailangang Alerto ka dahil biglang itutok sa'yo ni Ma'am ang Payong at kapag nagkamali, as usual tanggal ka na. Ng kami na ang sumalang, pumintig ang kaba sa dibdib subalit pinilit itong labanan.

7l-t. Lalo pang tumaas ang tensyon ng kaming tatlo na lang ang natira, nakakainis at nagkamali pa ko, napunta tuloy sa katunggaling pangkat ang puntos subalit nagkapuntos naman kami ng masagutan ang katanungan ni Ma'am, sa sobrang saya, napasigaw na ko ng bonggang-bongga. Sa huli, pangkat namin ang nanalo. Gustong-gusto ko ang teaching strategy ni Ma'am Joyce dahil may palaro at lahat ng iyon ay may kinalaman sa lesson. Sa oras naman ng Educational Psychology, nagturo lamang si Sir Barrion at sa pag-uumpisa nitong magsalita ang pamamayani muli ng antok, mabuti na lamang at may kabalbalan din si Sir kaya di nakakatulog bagkus ay napapalabas pa ang pangil. Ilang sandali pa, sa wakas at uwian na rin. Pagdating sa bahay, paglalapat ng mga disenyo muli sa aking Artwork ang inatupag at ginandahan talaga ng magustuhan ng taong pagbibigyan. Sana ma-impress sina Ma'am Joyce (Llardizabal)Ma'am Trisha at Ma'am Ria, sa kanila ko kasi iaalay ang ginawang artwork. Matapos ay ini-laminate na ang mga ito. Kinagabihan naman at bago matulog, panonood muli ng telebisyon ang siyang inatupag. Maya-maya pa at sa antok, kaagad ng natulog.


December 11, 2015
Friday

Year III-345

7l-u. Masarap pa sanang matulog ngayong malamig ang panahon subalit pagkakaroon muli ng sipon ang sumira't dama pa rin ang pagkirot ng lalamunan. Marahil sa panahong di maintindihan ang takbo, kailangan pa lalong palakasin ang resistensya ng sa gayo'y maiwasang magkasakit. Patuloy akong sinisipon at mukhang sasamain na talaga. Isa sa hiling ko ngayong paparating ang Pasko, huwag ng dupuan ng mga sakit ng sa gayo'y makatipid at ilaan na lang ang pera sa iba pang pangangailangan. Pagsapit ng Alas-nuebe at bago pumasok, namalantsa muli ng uniporme. Ilang sandali pa'y pumasok na ko. Habang lulan ng sasakyan ay may isang mamang sintu-sinto ang umakyat at bigla na lamang kinakausap ang mga pasahero, kung ano-ano ang sinasambit at nakakatakot ang paraan ng pagsasalita nito. Tingin ko, wala na itong kamag-anak at pinabayaan na kaya ganun na ang kalagayan nito.

7l-v. Naging usad pagong ang pagkilos ng mga sasakyan, kaya ang resulta, nahuli na ko sa pagpasok at saktong nagtuturo na si Ma'am Joyce. Sa bait ni Ma'am, hindi ko na pinangangambahan pang masita. Tungkol sa paggawa ng Case study ang tinatalakay niya't sa sinasabi nito, mukhang di basta-basta't matrabaho pa. Ang mahirap pa ay indibidwal sa halip na kada grupo ang gagawa't nagkataong naging dalawa ang Case study kongayong semestre, di ko alam kung alin ang uunahin. Kahit hindi namin ginusto, pasalamat na lamang ako dahil may kapatid na may kapansanan at makakatulong siya sa mga Project ko.

7l-w. Matapos ni Ma'am talakayin ang tungkol sa paggawa ng Case Study at kahit di pa dissimisal Time, pinalabas na niya kami. Bago lumabas, ibinigay ko muna kay Ma'am ang ginawang regalo. Nagningning ang mukha ni Ma'am sa tuwa ng ibigay ko iyon at natutuwa naman ako sapagkat nagustuhan at sinabing itatago raw. Pagkabigay, tumungo naman ako sa may Faculty upang ibigay naman kila Ma'am Ria at Ma'am Trisha ang natitirang regalo subalit wala ang mga ito ng datnan ko, nakisuyo na lamang ako mga gurong nandoon. 

7l-x. Hindi ako pasigurado kung makakarating ba sa kanila ang regalo't hindi magawang mapanatag. Anong alinsangan muli ng panahon ang naranasan sa aking pag-uwi't mahilo-hilo ako. Sa hilo, pagdating ng bahay, kaagad akong nag-siyesta. Kinagabihan, nabuwisit ako sa mga naglalarong lalaki, paano ang liligalig at bawat bukas ng bibig ay mura ang maririnig, di ko tuloy marinig ang pinapanood at masyado ng nakakabulahaw. Pagsasabihan dapat sila, kaso huwag na at batid ng isip na di pakikinggan pagkat sarado ang utak. Sa yamot, nagawa ng balibagin ang bintana. Mabuti na lamang, di nabasag. Namayani naman ang katahimikan sa kapaligiran ng magsialisan sila't huwag na sanang bumalik. Matapos manood ng telenobela, kaagad ng natulog.


21 | 14 Ang bilis ng panahon at mayroon na lamang labing-apat na araw bago sumapit ang Pasko.


December 12, 2015
Saturday

Year III-346

7l-y. May araw na sa labas ng magkamalay at bumangon. Pagdating ng eskwela, tutungo na sana ng silid subalit ipinabatid ni Mary na walang klase, hindi na ko tumuloy pa. Parang wala na kaming natututuhan sa Exceptional Psychology sapagkat marami ng sesyon na di dumadalo ang professor namin, sayang ang pangmatrikula. Dahil walang klase, sinamahan ko na lamang si Eloisa sa pagbabayad kaso sarado ang bangko ng aming datnan. Nakakabagot ang oras kaya walang ginawa kundi magkuwentuhan. Habang masarap ang aming pag-uusap ang biglang pagdaan ni Ma'am Trisha. Natuwa ako pagkat natanggap niya ang inihandog na regalo at na-appreciate nito ang aking mensahe. Labis na ikinataba ng puso ko ang mga sinabi niya't sana dumating ang panahon na maging professor itong muli, bukod sa mahusay magturo, nakakatuwa pa't very close siya sa mga estudyante gaya ni Ma'am Joyce (Lardizabal) at Sir Jigo.

7l-z. Natigil lamang ang pag-uusap namin at pumasok sa silid nang parating na si Ma'am Joyce (Geronimo). Habang nagsasalita sa harapan ang biglang pagpasok ng mga HRM Student at may dala pang pagkain. Mata pa lamang, kaibig-ibig ang lasa't ibig lasapin kaso hiya ang pumigil sa aking naisin, hanggang takaw-tingin na lamang ako. Pagkabigay ng hand-out at kahit di pa dissimisal time, kaagad na kaming pinalabas. Kanina pa nakakaranas ng gutom kaya tumungo kami ng Canteen at kumain. Kahit may kakulitan at nakakairita na minsan ang pagiging magalaw ng kaibigan ni Mary na si Mateo, nakakatuwa itong kasama't siya ang nagbigay saya sa aming salo-salo.

7m-a. Halos mabuwang na nga sa kakahalakhak at di ko talaga ito kinakakaya pagkat bawat pahirit nito, mistulang lababong nababarahan at ayaw nitong patalo. Pinagpala ang hitsura nito't kahit sinong babae o binabae, hahabulin siya, kaso'y magkabaro kami. Matapos ay bumalik na kami ng silid. Sa oras ng Educational Psychology, nagsimula na ang pangkatang pag-uulat at pangkat nila Gin Rhead ang mag-uulat. Inaantok ako kaya sa halip na makinig, umidlip ako. Habang nakayukod ay bigla na lamang may kumalabit sa 'kin. Laking gulat ko ng pumasok si Ma'am Ria at ito'y nagpasalamat sa akin at batian kami. Muli akong natuwa sapagkat maging siya'y natanggap din ang regalo ko. Lumabas na ito matapos naming mag-usap. Kahit na may pagkaistrikto si Ma'am Ria at nagawa na minsan na mainis sa kanya dahil sa pagiging pakilamera nito, gusto ko pa rin ito bilang professor at tingin ko, napatawad na niya ko sa pagsuway sa kanya. Maya-maya pa at sa wakas, uwian na. Pagkauwi, kaagad na akong natulog.

7m-b. Pagsapit ng gabi't gawa na batong-bato, naisipan ko muling gumawi kila Angelica. Huling gabi na ng kanilang lamay kaya ang mga mahilig magsugal, dagsaan at magdamagan marahil dilat ang mata. Hindi rin ako nagtagal at pagdating ng tahanan, panonood ng telebisyon ang naging libangan. Kahanga-hanga ang kwentong natunghayan ko sa MMK sapagkat  ito ay kwento ng isang guro na may Distonia, isang sakit na kung saan nahihirapan kontrolin ng utak ang galaw ng katawan.Sa kabila na may Distonia siya at nahihirapan ng magsalita, nagawa pa rin nitong ibahagi ang kaalaman sa mga estudyante at tulungan mula sa kamang-mangan. Labis na kinurot ng kwento ang damdamin ko pagkat nakakaiyak at nakakabigay inspirasyon para sa mga taong gaya niyang may kinakaharap na pagsubok. Sa awa, gusto ko sanang mag-donate para tulungan siya, kaso di alam kung paano. Malalim na ang gabi subalit ang kapaligiran, nanatiling maingay at marami pang residente dito ang gising na gising, hindi tuloy makatulog. 


20 | 13 Labing tatlong araw na lamang at Pasko na.


December 13, 2015
Sunday
Year III-347

7m-c. Madaling araw na subalit hindi makamtan ang mahimbing na pagtulog pagkat maingay at maya-maya ang dagasaan ng mga kabataan, gumawa na lamang paraan para antukin. Kung kailan dinig na ang tilaok ng mga manok, saka pa dinalaw ng antok. Tirik na ang haring araw sa labas ng ako'y dumilat. Kay ganda muli ng umaga at tila bang kay sigla-sigla ng nasa kalooban. Dahil simula na ng Preliminary exam bukas, matapos mag-almusal ay kaagad ng nagrepaso. Wala pa ring pagbabago sa utak ko't parang di na nag-improvepagkat di nito tinatanggap ang panibagong impormasyon na aking isinusuksok, hindi na tuloy matandaan sa tuwing naiiwanan ng paningin. Hindi rin ako makapagpokus pagkat maingay sa kapaligiran at kung ano-ano ang sumasagi sa isipan.

7m-d. Daming struggle sa pag-aaral ko subalit lahat niyon ay di inalintana't sa kagustuhang makapasa, nagpatuloy pa rin sa pagrerepaso. Mga dakong tanghali na ng itigil ang pagrerepaso at sa gutom, diretso lantak ako ng nilutong ulam. Balak ko sanang makipaglibing sa labi ng namayapang ama ni Angelica, kaso'y pinangunahan ako ng katamaran. Hindi ko alam sa sarili kung bakit tinatamad ngayon at gusto parati ay maglupasay sa kama. Maya-maya, inantok na at hanggang sa makatulog. Malay ko lang at baka magtampo na iyon sa akin. Nawasak ang masarap kong pagtulog dahil may nagbibidyooke. Tinatamad talagang bumangon subalit hindi ibig aksayahin ang oras para lamang diyan kaya nilabanan ang katamaran. Balak ko sanang magrepaso, kaso maingay naman sa loob ng bahay gawa na nabirit sila ate, hindi ko na lang itinuloy at naisipang manood ng Video.

7m-e. Hirap ng iyong kalagayan kapag ang isa sa miyembro ng pamilya ay may Dementia at bawat kilos niya, kailangang bantayan at parating may mag-aalaga sa kanya, ultimo pagdumi at pagwiwi nito'y bantay sarado ng mata. Kawawa ang matandang tumandang dalaga o binata dahil kapag nagkaroon ng ganung sakit, baka kung ano na ang mangyari sa kanila pagkat walang magbabantay. Bukod sa pag-aalaga, kailangan din ng pag-unawa sa kanila't habaan ang pasensiya. Sa sobrang tutok ng mata sa panonood, walang kamalay-malay na gabi na't hindi pa pala nakakapagsaing. Bago matulog, pagrerepaso at pamamalantsa muna ang inatupag ko. Dakong hating-gabi na rin ng mapagpasyahang matulog.


19 | 12 Labing dalawang araw na lamang ang nalalabi't Pasko na.


December 14, 2015
Monday
Year III-348

7m-f. Sa lamig ng panahon, sarap pang humandusay ng lagay sa kama subalit marami pang dapat gawin kaya bumangon na ko. Pagkaalmusal, gawaing bahay ang siya ko muling pinagkaabalahan. Matapos ay pagsusunog-kilay. Nakakatamad lamang isipin pagkat mamayang Alas-kwatro pa ang Schedule ng aming exam, tapos isang subject lamang. Tinatamad man ako subalit kailangang pumasok ng ganong oras alang-alang sa pagsusulit. Maya-maya at dahil nababagot, naisipang manood ng telebisyon. Kung kailan malapit ng sumapit ang Pasko, saka dumating ang unos at nagbabantang manalasa mamayang gabi sa Kabikulan at maging dito Kalakhang Maynila. Kahit anong paghahanda ang gawin, basta may kalakasan ang Bagyo ay di maiiwasang may mapinsalang gamit at ari-arian pero ang may magbuwis ng buhay, maiiwasan pa kung nakikipagtulungan lamang ang mga residente sa local government at may pagkukusa sa paglikas.

7m-g. Dalangin lamang sa pagdaan ng Bagyong Nona, maliit lamang ang pinsalang maidudulot nito at walang masasawi. Kahit Alas-kwatro pa ang aming pagsusulit, inihanda ko na ang sarili sa pagpasok. Anong alinsangan pa rin ng panahon at makasunog balat ang init kahit nakasailalim sa Storm signal ang Kalakhang Maynila. Dakong Alas-dos ng marating ko ang pinapasukang paaralan at tumungo muna ako ng Library at doon ipinagpatuloy ang pagrerepaso. Makalipas ang halos dalawang oras, nagtungo na kami ng silid. Iilan pa lamang kamag-aral ang nadatnan ko pagkaalpas ng yapak sa silid at maging sina MaryGin Rhead at Janna, wala pa. Habang wala pang proctor, sinamantala ang nalalabing oras sa pagrerepaso. Ilang sandali pa ng pumasok ang proctor namin at laking gulat ko pagkat iyon ay si Sir Pablito. Wala pa ring pagbabago sa kanya at sa tuwing magpapatawa, sa halip na matawa'y tila nakukulangan at nakakaantok. Computer Science ang una namin naging pagsusulit at sa dali, wala pa sa trenta minutos ay tapos na.

7m-h. Walang mahirap na pagsusulit sa taong may pagsusumikap sa pag-aaral. Hindi muna ako kaagad na umalis at hinintay matapos sina Mary. Sa tagal at sa inip na rin, pinuntahan ko muna ang mga kaibigan sa ibang silid subalit wala na sila ng datnan ko. Pagkabalik, si Mary na lamang ang nadatnan ko't sinabing nauna na raw si Gin Rhead. Kainis at di ako hinintay. Pagkababa namin ni Janna ay saktong nakasalubong mga kamag-aral sa Dash 2, na-turn off ako pagkat di nila ako pinapansin at di alam kung bakit. Sa ginawa nila, parang ipinamukha sa akin Hindi ko na makaya pang makisalamuha kaya umalis na't mag-isa muli ako.

7m-i. Ang lungkot pala kapag mag-isa ka't walang taong makausap. Pagkadating sa hintayan ng masasakyan, nabuhayan ng loob pagkat nandoon sina Janine (Agsaoay), sa kanila ako nakisabay. Bukod sa kanila ay nandoon din si Joan at Mika at sila ang nag-alis ng lungkot ko. Akala ko, uuwing nakabusangot ang mukha, hindi pala. Madilim-dilim na ng makarating ng bahay at panood agad ng telebisyon ang inatupag. Kitang-kita ng dalawang mata ko habang hinahambalos ng malalakas na hangin at ulan ang mga lugar na kasalukuyang dinadanaan ng bagyo, sa lakas nito ay tila magdudulot ng malawak na pinsala sa kanila. Matapos manood, nagrepaso muli ako. Mga dakong Alas-onse na ng mapagpasyahang ihimlay ang sarili't kay alinsangan pa rin sa kabila na nag-uulan-ulan na.


18 | 11 Labing isang araw na lamang bago sumapit ang Pasko at sa mga lugar na sinasalanta ngayon ng Bagyo, nawa'y maging ligtas sila at magpakatatag.


December 15, 2015
Tuesday
Year III-349

7m-j. Sa sarap ng tulog na tipong di mapigil ang mata sa pagpikit, dakong ikapito na ng umaga bumango. Alas-siete na subalit tila madaling araw pa lamang sa dilim ng papawirin at nararanasan na ang mahihinang paghampas ng hangin, marahil ay paparating na ang bagyo na huwag naman mangyari. Ibig sanang idako ang yapak kung saan-saan at gumawi sa bahay ng kaibigan, kaso ulan ang pumigil sa naisin. Nanatili na lamang sa bahay at sinamantala ang oras sa pagrerepaso. Katamad ang mag-aral sa maulang panahon at malamig at ibig parating nakahilata. Pilit kong inuunawa ang bawat binabasa at isinusuksok sa utak subalit wala pa rin at di maitatak ng husay, bahala na kung may maisasagot sa darating na pagsusulit. Tuluyan na ngang nilamon ng katamaran, nanood na lamang ng telebisyon.
  
7m-k. Kaawa-awa ang sinapit ng mga sinalanta ng bagyo sapagkat lubhang napinsala ang kabahayan nila't wala ng matutuluyan. Nakakalungkot isipin sapagkat ipagdiriwang nila ang Pasko na walang matirhan at ang iba'y sa Evacuation center na magpapalipas ng Pasko maging Bagong Taon. Walang magawa kaya ng matapos sa panonood ng telebisyon, panonood naman ng telenobela gamit ang Cellphone ang aking inatupag. Amaya ang naisipang tunghayan at napakahusay ng pagkakagawa sapagkat kuhang-kuha nito ang panahon bago tayo sakupin ng mga Kastila. Bukod pa roon, ang pananalita nila, napakasining at napakalalim, pang-epiko serye talaga ang dating.

7m-l. Iyon nga lamang, masyadong Weird ang kaugalian noon pagkat kung ano-anong ritwal ang sinasagawa katulad ng pagsigaw, pagpalakpak at minsan, kung ano-anong kataga ang binibigkas kaya minsan, natatawa na lamang ako't para silang mga buwang. Bukod pa roon, sa panahon nila'y may tatlong uri ang mga tao, ang pinakamataas ay Maharlika na kung saan nabibilang ang mga Raja, Datu at ang mga anak nitong Binukot (Prinsesa) at Tumao (Prinsipe), pangalawa ay Timawa o malayang tao at ang pinakamababa naman ay Alipin na dati'y Uripon ang tawag at may kanya-kanya silang panginoon na pinaglilingkod. 

7m-m. Masalimuot ang magiging buhay kapag Alipin ka dahil anumang oras, maari kang ipagbili ng panginoon at parang hayop ang turing sa'yo sapagkat kung anong naisin nila sa'yo ay maaring gawin. Sa panahon ding iyon, di pa uso ang pera at tanging ginto at pilak ang pamalit nila. Napakagandang panoorin ang Amaya at malalaman mo kung ano ang naging historya ng Pilipinas. Naging maulan sa maghapon na siyang nagbigay lamig sa aming nararanasan. Kinagabihan naman, lalo pang sumungit ang panahon at mga malalakas na pag-ulan ang siyang naranasan, kaya ang resulta'y baha nanaman at suspendido na ang pasok bukas. Magdamag na inulan ang Metro Manila bitbit ng Bagyong Nona.


17 | 10 Sampung Araw na lamang ang nalalabi at Pasko na, magsisimula na rin ang Simbang gabi bukas subalit mukhang malabong makatuloy dahil sa masungit na panahon.


December 16, 2015
Wednesday

Year III-350

7m-n. Sa pagdilat ng mata'y humupa naman ang malakas na buhos ng ulan subalit anong kulimlim pa rin ng papawirin at humahampas ang malalakas na hangin. Mapalad pa rin kami sapagkat sa kabila na inulan kagabi, di naman naranasan ang bagsik ng Bagyong Nona gaya ng sinapit sa ibang lugar kaya labis-labis ang pasasalamat sa Panginoon at masaya at makulay pa rin ang darating na Pasko. Nakakainis lamang sapagkat napasarap ang tulog ko, hindi tuloy nasimulan ang Misa de gallo, hindi bale at marami pang pagkakataon. Kung iyon tatantsahin, kay tulin ng panahon sapagkat parang kailan lang ng matapos ang Pasko, tapos ay magpapasko nanaman muli. Linis-bahay agad ang pinagkaabalahan ko pagkaangat ng sarili sa kama't dahil nag-uulan-ulan, kakarampot lamang ang nalilikom na alikabok.

7m-o. Matapos malinisan ang buong balay, pagtitinda ang iginugol ko. Pagsapit ng tanghali, panonood muli ng telebisyon ang inatupag ko. Ilang araw ng nakakaraan subalit kita pa rin ang bakas ng Bagyo at sa dami ng mga ari-arian at punong lubos na napinsala, tila inararo sila na bagyo at taon pa ang aabutin bago makabangon. Habang pinagmamasdan ang mga nasalanta, muntikan ng maiyak sa awa't tanging sa pamamalimos na lamang nila inaasa-asa ang ikakabuhay. Pasalamat talaga kami't di namin dinadanas ang kalunos-lunos na sinapit nila mula sa bagyo sa kabila na minsan ay hikahos ang buhay at muntikan ng magdildil ng asin.

7m-p. Matapos manood ng telebisyon, panonood naman ng Amaya sunod na inatupag at iyon ang naging libangan sa maghapon. Napakasaklap ng pangyayaring dumagok sa buhay ni Amaya sapagkat pinaslang na nga ang kanyang Baba ni Raja Mangubat, sa pag-aakala nitong pinagtataksilan siya, ginawa pang Uripon ni Lamitan at pinagmalupitan ng labis-labis. Hindi ko makayang panoorin ang mga kaganapan noon dahil mas masahol pa sa masamang hayop ang pag-uugali ng mga Raja at nakakaya nilang pumatay kahit libo pa, makuha lang ang pangangailangan at kagustuhan ng kanilang banwa.

7m-q. Nakakakilig lamang sapagkat kahit isa ng ganap na Uripon si Amaya, hindi pa rin nawawala ang pagtatangi ng Prinsipe na si Bagani sa kanya at sinusuyo-suyo subalit pinagtatabuyan naman siya ni Amaya, sa kadahilanang anak ito ng Rahang kinasusuklaman niya. Ang Sincere ng pag-ibig ni Bagani sapagkat kahit ilang ulit na itong ipagtabuyan, nilalapitan pa rin niya si Amaya at tinutulungan. Sa sobrang wili ng mata sa panonood, hindi namalayang dumidilim na pala, ang ganda kasi. Pagsapit ng gabi, tigil muna sa panonood ng Epiko-serye at ako'y nagsunog-kilay muli. Ano pang silbi ng ginagawa kong pagsusunog-kilay kung di naman tumatatak sa isipan at nakakaligtaan pa rin. Idagdag pa ang malamig at maulang panahon kaya lalo pang tinamad, hindi ko na itinuloy at piniling manood ng telebisyon. Bago matulog, panonood muli ng pelikula ang inatupag ko. Dakong hating-gabi na ng mapagpasyahang matulog. 


16 | 09 Siyam na araw na lamang bago sumapit ang Pasko at sa mga lugar na lubhang sinalanta ng Bagyong Nona, malabo mang mangyaring makakabangon agad subalit maging masaya pa rin ang darating na Pasko.


December 17, 2015
Thursday

Year III-351

7m-r. Malasimoy Paskong laming ng panahon ang siyang nagbigay sarap at tamis sa pagtulog kaya malapit ng mag-ikapito ng magising. Medyo gumaganda na ang panahon at may pasok na, kailangan ng magmadali at baka mahuli na sa pagpasok at di payagang makakuha ng pagsusulit. Pagkadako ng paa sa eskwela, mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nadatnan at lubhang napakaunti namin. Balak sanang magrepaso subalit anumang oras ay magsisimula na ang pagsusulit kaya di na itinuloy. Ilang saglit pa, pumasok na ang aming Proctor at di akalaing si Ma'am Ria. Ang kaninang silid na nababalutan ng pighati, naparam parang bula dahil kay Ma'am Ria at kakikitaang may sigla sa kanyang pananalita. Sikolohiyang Pilipino ang pagsusulit namin ngayon at anong hirap pa rin ng pagsusulit kahit Tagalog na. Hindi na ibig pang sumakit ang tuktok sa kakaisip ng sagot kaya minani-mani na lamang ang pagsusulit. Hindi gasinong karami ang bilang ng aytem kaya agad din natapos.

7m-s. Uuwi na sana ako subalit inaya pa nina Mary na puntahan si Jet. Katuwang ko si Jet kaya sinunggaban na ang pagkakataon upang pag-usapan ang aming pag-uulat. Sa nakikita ko kay Jet ay tila bang lutang ang pag-iisip habang kinakausap, marahil ay may iniisip lamang ito subalit gulat ang namayani sa dibdib ng mabatid na may suliranin ito, kawawa naman siya. Hindi muna kami umalis at dinamayan siya. Nang masigurong ayos na ito, saka namin siya iniwan. Hindi pa ibig ang umuwi kaya nagtungo muna ng library at kwentuhan. Sa aming magkakasama'y tila kami lamang ni Gin Rhead ang magkasundo't nagkakaunawaan at tila may nag-iba sa pakikitungo sa akin ni Mary subalit iwinaksi na lamang sa isipan, marahil ay pagod ito. Maya-maya pa'y dumako na kami sa SM. Habang binabagtas ang kahabaan ng Quirino Highway ay may mamang nakasalubong at nanghihingi ng limos upang ipagamot ang kaanak niyang nakaupo sa Wheel Chair na kanyang akay-akay.

7m-t. Sa hitsura pa lamang at pananamit ay kahabag-habag na ang kanilang kalagayan. Nangibabaw ang awa sa halip na hinayang kaya binigyan sila ng kwarta. Nag-uumapaw na sigla at kaginhawaan sa kalooban ang makakamtan kapag nagmagandang loob sa kapwa. Dakong tanghali ng makarating ng bahay at sa halip na igugol ang oras sa pagsi-siyesta ay panonood ng Amaya ang inatupag ko. Kahanga-hanga ang naging buhay ni Amaya sapagkat mula sa pagiging Uripon, ginawa na siyangAlabay ng mga Babaylan dahil sa muli itong nabuhay at pag-aakalang pinabalik siya ng mga Diwata upang tuparin ang kanyang tadhana, ang patayin ang Raha.

7m-u. Kasabay ng pagiging Alabay ni Amaya ang pagpapakasal naman ni Baganikay Marikit at labis siyang nasaktan. Nakakainis si Bagani sapagkat di niya nagawang ipaglaban ang pag-ibig kay Amaya at duwag siya. Maging sa Seremonya ng kanilang kasal ay nakakatawa pagkat magkasamang pipilutin ng ikakasal ang kanin at sabay ihahagis sa hagdanan at bakuran ng balay bilang tanda ng pagdidikit ng kanilang buhay. Nawili muli ako sa panonood kaya di namalayang takip-silim na't kailangan ng maghapunan. Pagsapit ng gabi ang paghahari ng ingay sa kapaligiran dahil sa mga tsikiting na nangangaroling. Nakakasawa na pagkat puro "Sa aming bahay" ang inaawit at wala ng maisip pang kantahin kaya minsan, katamad bigyan at puro patawad. Sa lamig ng panahon, naging masarap muli ang aming pagtulog.


15 | 08 Walong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


December 18, 2015
Friday
Year III-352

7m-v. Kahit lumalamig na ang lagay ng panahon ay hindi naman nito napigilan ang paggising ng maaga't maligo. Bago pumasok at dahil may lakad kaming magkakaibigan matapos ang pagsusulit, nanghingi ng pera kay ama subalit wala ito, kay ina sana kaso batid ng isip na maanghang na salita ang abot kaya napanghinaan ng loob. Gayunpaman, nilakasan ko ang loob at nakiusap sa kanya. Laking tuwa ko pagkat di akalaing magagawa niya iyon at di naganap ang pinangangambahan ko, di ko alam at tila may nagbago kay ina. Dakong ikapito na ng makarating eskwela subalit wala pang Proctor. Ilang sandali pa ng pumasok ang Proctor namin at iyon ay si Sir Juangco. Kay bait niya at kahit maraming minuto ang naihuli mo'y pinapapasok pa rin at binigyan niya pa kami ng panahong makapagrepaso. Educational Psychology ang naging pagsusulit namin at kahit di nakapagrepaso'y naging madali pa rin pagkat Common sense and Stock knowledge ang kailangan.

7m-w. Kaagad din naman namin natapos at nagningning ang mga mukha sa tuwa ng ipabatid na walang pagsusulit sa Exceptional Psychology. Sa sobrang sabik ko sa aming lakad, nagawa ng magpalit. Pagkabihis ay di ko mawari kung bakit panay ang ngisian nila't kung makatawa'y parang ako ang ibig patamaan. Nang ipabatid ay pahiya ako sapagkat talipa ang suot kong Sandals, sa hiya'y panay kubli sa likuran ni Gin Rhead habang patungo ng palikuran. Pasalamat na lamang ako't sila ang unang nakapansin, kung hindi'y malamang ay buong Campus, pinagtatawanan ako. Hindi muna namin itinuloy ang lakad at sinamahan si Mary upang hintayin ang kanyang mga kaibigan. Habang sila'y hinihintay ay tamang kwentuhan lamang sa isa't isa. Masaya ako dahil sa napapatawa ko sila subalit itong si Mary, tila hindi maipinta ang mukha't kung tumawa man, pakiwaring napipilitan ito.

7m-x. Napapansin kong kahapon pa siya ganyan, sa ipinapakita nito'y tila ayaw niya sa akin. Hindi nga ko nagkamali sa hinala pagkat ng pagsabihan ako, hindi na nga nito naiibigan ang mga kinikilos ko. Alam ko sa sariling may iba sa aking kinikilos pero huwag niyang ipamukha na ako'y kakaiba. Batid kong hangarin lang ni Mary na itama kung ano ang nakikitang mali sa akin subalit di ko maiwasang magdamdam sa kanya. Nasasaktan man subalit hindi na pahalata't nakisama pa rin. Ikinahina ko talaga ang mga sinabi niya subalit di ito masisisi't inintindi na lamang siya. Kahit ako'y nasaktan ay walang dahilan upang magtanim ng galit sa kanya pagkat nagpakatotoo lamang ito.

7m-y. Makalipas ang dalawang oras ay bumaba na kami mula sa Library at nagtungo ng Canteen. Ikinadismaya ng loob ko ng sabihin ni Eloisa na di na tuloy ang lakad naming tumungo ng MOA. Gayunpaman, nirespeto ko na lamang kung ano ang desisyon nila subalit hindi lamang maiwasang manghinayang pagkat nakapagbihis na ko. Sa sobrang pagkadismaya, hindi ko na sila nahintay pa at umalis. Bago umuwi'y tumungo muna ng Ever Gotesco Mall at nagpalamig. Ganito naman ako parati, mapag-isa at walang makausap subalit sanay na ko. Dakong Alas-dose na ng makauwi't diretso nuod agad ng Telenobela. Ganun pala ng kapanahunan ni Amaya sapagkat kung sino ang mga nasasakdal, inilulubog nila ang mukha sa tubig upang mapatunayan kung sino ang nagsasabi ng totoo't kapag lumitaw na wala pa sa limang pung bilang, nangangahulugang nagsisinungaling ito.

7m-z. Masyadong brutal ang paraan ng kanilang paghuhukom at hindi nararapat. Pagsapit ng gabi at dahil sa maulan ang panahon, walang mangahas na may mangaroling kaya ang kapaligiran, napakatahimik na siyang aming ipinagpapasalamat at makakapag-isip ng maayos. Bago matulog, panonood muli ng Amaya ang inatupag. Kaawa-awa ang sinapit ni Bagani sapagkat itinakwil na ito ng amang Raja ng malamang huwad ang kanyang batok dahil sa di pagpaslang ng bihag at pinakawalan pa. Kung ako sa katayuan ni Bagani ay tama lamang na di siya pumaslang pagkat pagwalang respeto iyon sa buhay ng iba. Grabe talaga ang panahon nila pagkat puro patayan at digmaan ang nagaganap.


14 | 07 Eksaktong Isang linggo na lamang ang nalalabi bago sumapit ang Pasko.


December 19, 2015
Saturday
Year III-353

7n-a. Magdamag na inulan ang Kalakhang Maynila kaya ang lamig na nararanasan ay lalo pang umigting at nagbigay hirap sa aking pagbangon. Sa pag-aakalang papasikat pa lang ang araw, di muna kaagad bumangon ngunit nagkakamali pagkat pumatak na ang ikapito ng umaga. Napakadilim ng papawirin at sa dilim nito, tila maihahalintulad sa taong dumaranas ng pighati't may pinagdaraanang mabigat na problema. Wala ring humpay ang pag-ulan na tila tumatangis ang kalangitan. Muling sumungit ang panahon bitbit ng Hanging Amihan. Marami akong ibig gawin ngayong walang pasok, subalit nilimitahan ng maulang panahon. Mukhang karamihan sa atin ay di magiging maligaya ang darating na Pasko sapagkat marami pa ring mga kababayan ang hirap makabangon mula sa pananalanta ng Bagyong Nona, hindi man kami nasalanta subalit hindi mapigilang malungkot sa tuwing makikita ang mga taong ipagdiriwang ang Pasko na walang matutuluyan at wasak na wasak ang tinitirhang bayan.

7n-b. Marahil kung kinasapitan namin ang dinanas nila kung kailan napipinto na ang Pasko, hindi ko alam kung makakaya bang lampasan. Wala namang pagsubok na ibinibigay ang panginoon na di kakayanin kung kaya anumang kasawiang palad ang makamtan ay makakayang lampasan. Walang humpay sa pagtangis ang kalangitan kung kaya nanatili na lamang sa tahanan at nagwalis-walis.

7n-c. Pagsapit ng tanghali't pagkapanood ng balita, marami ng lugar dito sa Maynila ang lubog na sa baha at hindi na rin madaanan ang karamihan sa mga lansangan. Kung kailan malapit ng magpasko, saka pa natin ito kinakaharap atClimate Change na. Kundi sa kapabayaan natin sa kalikasan kaya ito nangyayari't di magtatagal ay di katakataka kung malubog na ang buong Pilipinas. Hangga't hindi pa huli ang lahat, kailangan ng marahil na pangalagaan ang kalikasan at iwasan ang masasamang gawain na maari nitomg ikasisira at ikapahamak ng karamihan sa bandang huli. Walang maisipang gawin kung kaya matapos mananghalian, panonood muli ng Epiko-seryeng Amaya ang inatupag. Kung kailan tinanggap na ni Amaya si Bagani upang papasukin sa buhay, pinagtatabuyan naman siya palayo sa kanya't mukhang di na mapapatawad sa nagawa nitong pagkakanulo.

7n-d. Ito namang si Lamitan, gagawin ang lahat upang mapabagsak si Amaya at manatiling mataas ang katayuan nila sa buhay, maging ang anak niyang si Marikit ay ipinangasawa sa Raja, sa pag-aakalang siya ang magsasalba sa kahihiyang dulot ni Bagani at naiinis ako pagkat napakasama niyang ina at asawa. Tumitindi na talaga ang rebelasyon sa puod nila kaya lalo pang nahuhumaling ang mata sa panonood. Kinagabihan at sa wakas, tumila na ang pag-ulan. Ang ganda ng kwentong natunghayan sa Magpakailanman sapagkat tungkol iyon sa isang babae na kailanman ay di pa naranasang magkanobyo't naghahanap ito ng makakapiling sa buhay hanggang sa kamatayan subalit bigong makamtan at nanatiling single kahit lagpas na sa kalendaryo ang edad. Dahil sa pagkabigo sa pag-ibig, itinuon na lamang niya ang buhay sa ibang bagay hanggang sa mapagtanto nitong hindi sa lahat ng pagkakataon ay masusumpungan ang saya sa pag-ibig. Tama siya, matutong makuntento kung anong mayroon ka't mag-enjoy sa kung anong ginagawa mo. Huwag mainip, bagkus ay maghintay pagkat darating ang panahon na ibibigay ng panginoon kung anuman ang nais mo. Kahanga-hanga ang mga sinabi niya't itatak sa isipan. Kaya ako, kahit di makamtan ang naisin sa buhay, di maiinip at mawawalan ng pag-asang balang araw ay mapapasakamay iyon.


13 | 06 May anim na araw na lamang ang nalalabi't Pasko na.


December 20, 2015
Sunday
Year III-354

7n-e. Ang kahapong nuknukan sa sungit ang panahon, kabaligtaran naman ngayong umaga na maaliwalas at sa wakas, sumilip na rin ang haring araw, hudyat na natapos na ang matitinding unos na dumaan at dumagok sa karamihang buhay. Gaanoman kabigat at katindi ang problema, nagwawakas din sa bandang huli. Sana wala ng dumating pang unos upang sa gano'y maging maligaya tayong lahat sa darating na Pasko at Bagong Taon. Pagkaalmusal at dahil walang ibang ginagawa, ako muna ang namahala sa aming negosyo. Labis akong nalulugod pagkat malakas ang bentahan at kahit di na minsan magkandaugaga dahil sunod-sunod, hindi naman ako nai-stress. Sumunod ay gawaing bahay ang inatupag ko. Tila kay sigla ng nasa loob at sinisipag kaya mabigat man ang nakaatang na gawain ay nakakaya pa rin, iyon nga lang ay labis na nahitik sa pawis ang buong katawan sa kakalapat ng pampakintab sa sahig.

7n-f. Nang malinisan ang buong bahay at dahil may nalalabi pang lakas, pamamalantsa't saing ang sunod na pinagkaabalahan. Kay sarap magpahinga't buhay alamang kung ang lahat ng iyong gampanan ay ganap ng natapos at pakiramdam ko, naipakita ang silbi sa pamilya. Lumalapit na ang tanghali kung kaya minarapat ng lamnan ang sikmura ng maluto ang ulam. Halos ikabundat ko na sa dami ng naisuksok sa bunganga ngunit agad namang natunawan. Wala muling magawa at bilang libangan, panonood muli ng Epiko-serye ang inatupag at maghapon ko itong tinunghayan. Sa tuwing manonood ng Amaya, para akong nanonood ng buwan ng wika, napakasining ng kanilang dayalogo't kung magpasaring ang magkakatunggali sa isa't isa ay tila nagbabalagtasan lamang at ang ririktan ng binabitawang salita kaya lalo pang nahumaling sa panonood.

7n-g. Walang kadala-dala ang Lamitan sapagkat kahit napagtagumpayan na ni Amaya ang lahat ng ibinigay niyang pagsubok, gagawin pa rin ang lahat, maitiwalag lamang siya mula sa pagiging Alabay subalit siya'y nabigo't kinarma pa pagkat nalaman na ng Raha ang lahat ng kanyang kabuktutan at pinarusahang maging Uripon. Tunay ngang bilog ang mundo pagkat kung ano ang ginawa sa kapwa, babalik at babalik sa'yo. Pagkagat ng gabi ang muling paghahari ng ingay at kaliwa't kanan muli ang nangangaroling. Ilang sandali't habang naghahapuna'y ang biglang pagdating ng mga kasamahan nila Pastora Anna at sila'y nangaroling. Naging maligaya ang gabi ko dahil sa kanilang awitin at kahit di na nakakadalo sa Sunday Mass, hindi pa rin nila ako nakakalimutan at naramdaman iyon. Batuhan kami ng matatamis na pagbati matapos nilang mangaroling. Hindi pa dinadalaw ng antok kung kaya ipinagpatuloy ang panonood ng Video. Singlalim na ng balon ang gabi ng mapagpasyahang matulog.


12 | 05 Limang araw na lamang ang nalalabi, bago sumapit ang Pasko.


December 21, 2015
Monday
Year III-355

7n-h. Maaliwalas na panahon ang nagbigay sigla't kulay sa aking paggising. Nakakatamad lamang sapagkat may pasok pa kami upang isagawa ang natitira pang pagsusulit na naudlot nung nakaraang linggo dahil sa bagyo. Tinatamad man, subalit wala akong magagawa at kailangan pa ring pumasok. Matapos mag-agahan, pagbabantay muli sa tindahan ang inatupag ko. Ngayong araw pala gaganapin ang patimpalak upang koronahin kung sino ang magiging Miss Universe 2015 kaya habang nagtitinda'y sinubaybayan ko iyon. Iba't ibang naggagandahang kandidatang nanggaling sa iba't ibang bansa ang rumampa't nagpakita ng karisma sa madla. Kahit karamihan ay pinagpala ang anyo at mahihigpit na kalaban, malaki pa rin ang tiyansang makapag-uwi ng korona ang ating pambato. Hindi nga nagkamali sa hinuha sapagkat napabilang sa Top 5 si Miss Philippines at di sukat akalain na makakapasok din ito sa Top 3. Mukhang naamoy ko na ang tagumpay at siya na marahil ang ikatlong pambato na mag-uuwi ng korona. Sa sabik, ibig ko pang abangan kung sino ang hihiranging Miss Universe 2015, kaso kailangan ng magbihis at umalis.

7n-i. Nalaman ko lang sa mga pasaherong nag-uusap na si Miss Philippines ang nag-uwi ng korona at natutuwa naman ako dun, kaso kawawa si Miss Columbia pagkat sa una, siya ang hinirang na panalo subalit nagkamali ang Host. Sayang at pinaasa lamang siya. Gayunpaman ay masaya pa rin ako para sa pambato ng bayan at sa wakas, matapos ang ilang dekada'y nalasap muli ng Pilipinas ang tagumpay pagdating sa paggandahan. Wala pang proctorpagkadako ng silid subalit agad din naman ito pumasok. Asignaturang Logic ang pagsusulit namin ngayon, napakadali lamang ng pagsusulit sapagkat Common sense ang kailangan subalit di pa rin maiwasang malito't di sigurado kung makakakuha ba ng mataas na marka. Matapos kumuha ng pagsusulit, tumungo na ko sa ibang gusali. Habang hindi pa nagsisimula ang oras para sa susunod na pagsusulit ay nagrepaso muna ako. Ilang sandali pa, umakyat na ko. Abnormal Psychology ang sumunod na aking pagsusulit at si Sir Barrion ang naging Proctor namin.

7n-j. Kahit ako'y nagrepaso ay naging mahirap pa rin ang pagsusulit. Ang nakakatuwa nga lang, maramingbonus subalit di umaasang magiging maganda ang resulta. Sa hirap ay hinulaan ko na ang iba't bahala na. Dahil may isa akong asignatura ang Conflict sa Abnormal Psychology ay tumungo pa ng Conflict room. Hindi ako kaagad nakakuha ng pagsusulit pagkat di pa dumarating ang may hawak nito, naghintay muna at tamang tsikahan lang sa mga kasamahan. Makalipas ang higit sa isang oras ng dumating ang test questioner para sa Education 5 at sinimulan na ang pagsusulit. Mahirap din kaya nanghula-hula muli. Kaagad ko din naman natapos ang pagsusulit.

7n-k. Habang naglalakad palabas ay saktong namataan nila Eloisa. Kahit malapit ng gumabi at bilang pakikisama'y sinamahan pa sila sa SM. Wala pa ring pagbabago kay Mary at mailap ang pakikitungo nito sa akin, kahit na ganon ay di na lamang siya inintindi. Gusto sanang alamin kung anong problema niya sa akin, kaso baka lalo pa niya kong kamuhian. Wala kaming ginawa kundi mamasyal at magtingin-tingin. Mabuti pa si Gin Rhead sapagkat may regalo siya sa kanyang magulang at dami niyang pera. Ng makapamili ng ipangreregalo at sa gutom, ibig sanang kumain sa mall subalit salat sa pera, umuwi na lamang kami. Dala ng gutom ay agaran akong naghapunan pagkauwi. Sa wakas, natapos din ang lahat ng mga pagsusulit at pwede ng ipagpahinga ang utak. Sa uulitin muli at nawa'y maipasa lahat ng pagsusulit. 


11 | 04 Apat na araw na lamang ang nalalabi bago sumapit ang Pasko. Malapit na!


December 22, 2015
Tuesday
Year III-356

7n-l. Ilang araw na lamang talaga't magpapasko na. Balak ko sanang gumising ng maaga upang dumalo sa simbang gabi, subalit nabigo muli ako. Tila hindi na talaga sa akin natutuwa ang maykapal sapagkat parating pinangungunahan ng katamaran, di rin matupad-tupad ang hangaring makapagsimbang gabi, kainis. Sa sarap ng tulog, mataas na ang sikat ng araw sa labas ng magising. Sa paggising ko, makulay na umaga muli ang siyang unang nasilayan at tila nagbabadya na walang darating na unos, sana nga. Nang malamnan ang sikmurang magdamag na walang laman, pagtitinda ang inatupag ko. Nakakabato kapag naghihintay ka ng mamimili, tapos wala naman halos bumibili. Upang maparam ang pagkabato, tamang kinig lang ng musika.

7n-m. Saka itinigil ang pagbabantay sa tindahan sa pagdating ni Mama't gawaing bahay naman ang siya kong pinagkaabalahan. Ngayong nagsimula na ang bakasyon ay maaari ng gawin ang ibig na siyang magdudulot sa akin ng kaligayahan. Pagsapit ng hapon at katirikan ng araw, naisipan kong lumabas at magkumpyuter. Sa dami ng dapat kong gawin, di namalayang dalawang oras ng nakaupo't tutok ang mata sa Monitor. Sa takot na lumaki ang bayarin, ibig pa man ng loob na palawigin ang oras sa pag-upa, kaso napagpasyahan ko ng umalis. Ibig ko pang tumungo sa bahay ng kaanak at makipagtalastasan, kaso'y katamaran ang pumigil sa akin.

7n-n. Paglagom ng gabi ang pamamayani muli ng ingay sa kapaligiran at mauulinig muli ang pagkalansing ng piniping tansan at paghampas ng tambol. Sa hirap ng buhay, karamihan sa mga nanganngaroling ay puro patawad ang napapala. Ibig ko ring mangaroling upang makalikom ng pera, kaso nasa hustong gulang na't hindi na marahil nararapat para diyan. Hindi bale at pagdating ng Pasko, hindi ako papayag na walang makakamtang kwarta't gagawa ng paraan.

7n-o. Bukod pa roon ay hindi ko hahayaan na maging malungkot ito't walang kabuluhan, bagkus ay sisikaping maging masaya ng sa gano'y maitatak sa ala-ala. Sa ingay ng kapaligiran, hindi tuloy makatulog at patuloy pa ring naririnig kahit Curfew time na. Hindi pa dinadapuan ng antok kung kaya muli akong nanood ng pelikula. Lagpas na ng hating-gabi na ako nakatulog.


10 | 03 Tatlong araw na lamang bago sumapit ang Pasko at Sampung araw na lamang bago naman sumapit ang Bagong Taon.


December 23, 2015
Wednesday

Year III-357

7n-p. Tunay ngang nagsimula na ang Winter Solstice kung kaya lalo pang sumidhi ang nararanasang lamig ng panahon. Sa lamig ay ibig ko pang matulog at balutin ng kumot ang buong katawan. Tuluyan ng nagpakita ang bukangliwayway kung kaya di na nagpatumpik-tumpik pa sa pagbangon. Maging init na taglay ng sinag ng araw ay hindi kinaya ang lamig ng panahon at nilalamig pa rin ako kahit ibinilad na ang sarili sa arawan. Tanging nakakapasong init ng kape lamang ang nagpalaya sa akin mula sa ginaw. Matapos magkape at gaya ng ginawa ng mga nakaraang araw, ako'y nagbantay muli sa tindahan. Ilang sandali, ginampanan ko naman ang gawaing bahay. Mukhang pinagkalooban ako ng kasipagan ng loob kung kaya makakayang gawin, ultimo mabibigat pa't marami at di mahahapo.

7n-q. Nagpatuloy ako sa gawaing bahay at naglaba na rin. Batid kong may magandang patutunguhan ang aking ginagawa kung kaya lalo pang pinagsumikapan. Pagsapit ng tanghaling tapat ay kabaligtaran naman ng umaga pagkat makatupok balat na ang nararanasang init. Sa bagot at inip, ibig kong lumabas kaso matinding init ang pumigil sa naisin, nanatili na lamang sa bahay at iginugol ang libreng oras sa panonood ng Epiko-serye. Kahit si Amaya ay di hamak na babae lamang ay tinupad pa rin ang kanyang tadhana, ang paslangin ang pinakamabagsik at malupit na Raja Mangubat, kaso marami ang nagtanim ng galit sa kanya lalong-lalo na si Hara Lingayan at Bagani at patuloy itong tinutugis. Hanga ako sa katatagang ipinakita ni Amaya sapagkat kahit maraming beses ng nakaranas ng kasawiang palad sa buhay ay di pa rin ito sumusuko't patuloy na lumalaban.

7n-r. Sana gaya ko ang naging buhay ni Amaya, matapang at kayang ipaglaban ang kapakanan ng nakakarami. Kaso mukhang malabong maganap pagkat di ako bayani. Ng mapansing lumililim na ang araw, saka ko lamang itinuloy ang balak. Nagtungo ako sa bahay nina Aling Gina subalit tahimik at tila walang katao-tao. Gayunpaman ay nagpatuloy ako hanggang sa mapansing may nakabukas na pintuan at marinig na may nahagulhol na sanggol. Anak pala iyon ng Ate Bing at tanging sila lamang ang naroroon. Nahiya ako pagkat nagambala ang kanilang tulog. Sa hiya'y di na nagtagal pa at agaran ding umalis. Kina Angelica na tumungo't pagkadako roon ay nagimbal ako ng biglang gulatin ni Angelica.

7n-s. Sinamahan ko muna siyang magtungo sa bahay ng kanyang kaibigan at pagkarating ay saktong nandoon si Berna. Wala kaming ginawa kundi magkwentuhan at minsan ay tawanan at masaya muli ang araw dahil sa kanila. Ilang sandali pa ng bumalik kami ni Angelica at sa bahay naman kina Cathy naisipang gumawi. Nadatnang nagsasanay ito sa pagsasayaw pagkarating. Sa tagal na di nakakagawi'y marami kaming pinag-usapan. Sayang at hindi ko nadatnan ang Ate Ging. Sa sarap ng aming talastasan, inabot na ko ng gabi sa kanila't napagpasyahan ng umuwi. Bukas pa ang selebrasyon upang salubungin ang Pasko, subalit ang kapit-bahay namin, panay na ang patugtog at tila ang aga nilang magsaya. Naging napakaingay ng gabi dahil sa kanila't idagdag pa ang mga nangangaroling. Walang magawa ng gabing iyon kaya naisipan muling magbantay sa tindahan. Labag man sa loob na pagkalooban ng Aguinaldo ang mga nangangaroling, ginawa pa rin at sa halip na hinayang ay kagaanan ng loob ang nadarama. Dadalo pa ko sa huling Simbang Gabi bukas kaya inagahan sa pagtulog.


09 | 02 Dalawang araw na lamang at Pasko na, Siyam na araw naman at 2016 na.


December 24, 2015
Thursday

(Christmas Eve)
Year III-358

7n-t. Bisperas na ng Pasko at huling araw ng Misa de Gallo. Sayang at hindi muli ako nakadalo sa Simbang Gabi sapagkat tinanghali ng gising, kainis at nasarapan kasi sa pagtulog. Pagkabangon ay gawaing bahay muli ang pinagkaabalahan ko. Kahit magpapasko, wala namang day-off sa paglilinis ng bahay pagkat walang pinipiling panahon ang pagpasok ng alikabok at dumi. Kung may kakayahan lamang lagyan ng pansalag ang buong bahay, nagawa ko na ng sa gano'y hindi na kailangan pang linisan araw-araw at pwede ng magbuhay alamang. Matapos ang gawaing bahay at gawa na nababato, tumungo ako sa Computer Shop. Makalipas ang dalawang oras ng maisipang mag-log-out. Hindi pa ibig ang umuwi kaya dumaan muna sa bahay ng Tita Arlene. Sa tagal na hindi ako nakakadako sa kanila'y marami kaming bagay na napag-usapan at bukod pa roon, ipinabatid sa akin ng Tita na nasa kanila si Kenneth at naliligo. Sa kagustuhang masilayan ang pinsan ko ay di muna umalis. Ilang sandali pa, lumabas na ito't ang laki na ng kanyang pinagbago.

7n-u. Dati-rati ay kalaro lamang ito at bukod sa pinsan ay itinuring rin na kaibigan subalit makalipas ang labing-dalawang taon, natupad na ang pangarap nitong maging guro't magtatrabaho na. Mabuti pa siya at nakapagtapos na sa pag-aral, samantala ako'y di batid kung ano ang naghihintay na kapalaran sa sumunod pang dalawang taon sa pag-aaral. Umiral ang hiya kaya hindi magawang makipagkamustahan sa kanya subalit nagbatian naman kami at agad na itong umalis. Matangkad din ito at may hitsura at mukhang magkakasundo kami pagkat siya'y aking kabaro. Maya-maya pa'y nagpaalam na ko kay Tita Arlene. Sumunod ay kina Aldrian naman ako nagtungo. Nandoon din sila Aling Delfa at Kuya Dennis at palitan kami ng batian at kuro-kuro sa isa't isa. Sa kasarapang maglakwatsa'y sumapit na ang Ala-una ng makarating sa bahay at nadatnang abala na sila ina sa paghahanda para sa Noche Buena mamaya.

7n-v. Dahil abala ang ilaw ng tahanan, ako muna ang nagbantay sa tindahan. Hindi na mapipigilan ang Pasko sapagkat karamihan dito sa amin, walang ibang ginawa kundi pagkaabalahan ang paghahanda sa Noche Buena at pangregalo sa mga inaanak, kamag-anak o kaibigan at kita sa mukha ang saya. May naghahanda na ring kapit-bahay para sa isasagawang Party mamaya. Mabuti pa sila't may kasiyahan at bongga ang okasyon, samantala kami ay ganito lamang ipagdiwang ang Pasko, simple at di mahilig sa Party. Walang ginawa sa maghapon kundi gampanan ang obligasyong magbantay sa tindahan. Ng matapos ang ilaw ng tahanan sa paghahanda at bago pa man gumabi ay nagtungo muli kina Angelica upang ayaing magsimba mamayang gabi. Kaagad ko naman itong nakumbinsi at nag-aya pa ng ibang makakasama. Hindi muna agad umuwi't nanatili pa sa kanila hanggang sa tuluyan ng gumabi. Maging sila Angelica ay simple lamang ang pagdirawang ng Pasko't wala sa kanila ang handaan subalit nanatiling nakangiti ang mga mukha ng bawat isa at sama-sama kahit nalagasan na ng isa sa miyembro ng pamilya nila.

7n-w. Pagsapit ng gabi ang pag-arangkada ng ingay sa buong kapiligiran dahil kabi-kabilaan na ang mauulinig na tugtog at halos wala ng mapakinggan. Bukod pa roon ay dagsaan na ang mga tsikiting sa mga bahay-bahay na nangangaroling at maya't maya ang dating. Pasko naman at hindi matitiis ng konsensyang magdamot kaya sige ako sa pamumudmod ng Aguinaldo, kaso'y hindi magawa ng lubos pagkat pinipigilan ni ina. Kapag si ina ang nagbabantay ay sadyang napakakuripot at minsan ay umuusal na ito ng patawad pero kapag si ama, hinahayaan niya silang matapos sa pagkanta at hindi bababa sa limang piso ang ibinibigay. Sa dami ng naipamasko namin, tila nag-uumapaw na pagpapala ang makakamit at sana nga'y matupad.

7n-x. Pagsapit ng ikapito ng ako'y magbihis subalit hindi muna umalis at inabangan ang mga kasama. Tatlumpung minuto na ang nakakaraan subalit di pa sila dumarating at sa pakiwari ko, mukhang di na matutuloy ang balakin. Hindi ako nakatitiyak kaya binalak na magtungo sa kanila subalit ng makalabas ay saktong nakasalubong si Ate Leleng at sinabing tuloy at parating na sila, hindi na tumuloy pa't hinintay sila. Maya-maya pa'y dumating na sila't tanging mga pamilya lamang ni Angelica at asawa nitong si Rachid ang nakasabay sa pagsisimba. Habang binabagtas ang daanan ay walang ibang makikita kundi mga kabataang pakalat-kalat sa lansangang nangangaroling at mga matatandang nagliliwaliw sa kasiyahan at nag-iinuman. Nagresulta ng mabigat na trapik ang kabi-kabilaang kasiyahan at muntikan ng di makausad. Pagkatungo sa Saint Peter Church,  hindi na mahulagang karayom ang dami ng mga taong nagsisimba't di kami makapasok-pasok.

7n-y. Bilang pasasalamat sa maykapal at upang humiling ay nagtirik ng kandila at nagdasal. Hindi man ako madalas magdasal at singhusay ng iba sa pagsasalita, makapangyarihan ang Diyos at batid ng isip na maiintindihan niya ang mga sinambit ko't tutuparin sa takdang panahon. Matapos iyon gawin ay pakiwaring gumaan ang loob at kahit paano'y nabawasan ang mga kasalanan. Lumalalim na ang gabi kaya kaagad ng umuwi matapos ang Misa. Sa pagod at antok, matutulog na sana ako subalit sadyang napakaingay ng kapaligiran. Hindi muna tumulog at kumain. Sige ako sa paggiling at sinasabayan ng sayaw ang mauulinig na musika habang nakutkot, minsan lamang ito sa isang taon kaya sinusulit na. Pagsapit ng Alas-onse, tuluyan na ngang naghari ang antok sa pagkatao kaya di na nahintay pa ang pagsapit ng Pasko at Noche Buena at natulog na.


08 | 01 Isang oras na lamang at Pasko na.


December 25, 2015
Friday 

(Christmas Day)
Year III-359

7n-z. Ngayong araw ginugunita ang kapanganakan ng tagapagligtas na siyang nag-ahon sa atin mula sa kasalanan at nagbigay liwanag sa buhay. Marahil kung hindi ipinanganak si Jesus, malamang ay nakakulong pa rin tayo sa kasalanan at sa sumpa na mula sa salinglahi nina Eba at Adan. Hindi matatawaran ang ipinakita niyang kabayanihan sa atin at sa kabila na siya'y makapangyarihan at natatangi, nagawa pa rin nitong magpakumbaba't magpatawad kahit madami tayong kasalanan sa kanya. Kaya nararapat lamang na makiisa upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan kahit walang patunay na ganitong araw siya ipinanganak. Dakong ikawalo na ng umaga nagising at tanging mga handa nitong Noche Buena ang naging pamlaman tiyan ko. Matapos mag-agahan ay pansamantalang nanatili sa labas at nagpapahangin. Habang nilalanghap ang preskong hangin ay maya't maya ang dating ng mga bata upang mamasko. Walang maibigay na pera kung kaya Candy at prutas ang naisipang ipamahagi sa kanila.

7o-a. Damang-dama na talaga ang tunay na diwa ng Pasko sapagkat walang ibang makita sa kapaligiran kundi mga batang nakabihis pangsibilyan na akay-akay ng mga nanay upang humingi ng Aguinaldo sa kanya-kanyang mga Ninong o Ninang. Maging mga dumadaan, may makasalubong lamang na kahit di kilala'y masigabong pagbati agad ang bungad at palitan ng matatamis na tinginan. Marami ang nagbabago sa tuwing sasapit ang Pasko. Sabi nila, ang Pasko ay para lamang sa mga bata pero paano kaming mga matatanda na, nangangahulugan bang hindi na maaring makatanggap ng Regalong Pamasko't nganga na lang.  Hindi ang Pasko ay araw ng pagmamahalan at pagbibigayan kaya ang Pasko ay para sa lahat. Ilang sandali pa't tumungo ako sa bahay ngAuntie Caling. Sina Auntie Caling at Uncle William lamang ang nadatnan ko maging ang Tita Haydee at tulog pa ang ilan kong kaanak. Batian kami sa isa't isa at talastasan. Biglang umiral ang tuwa sa dibdib ng mapamaskuhan ng Tita Haydee at lubos ang pasasalamat sa kanya.

 7o-b. Nang makapamasko'y agad na kong umalis. Dahil may nakahaing handaan sa mesa, walang ginawa kundi lumantak ng husay subalit ako'y nagpakahinay-hinay at baka mauwi sa pagkamatay kapag nabundat. Nababato ako kaya naisipang manood ng telebisyon. Hindi na mahulugang karayom ang mga tao sa iba't ibang pook pasyalan at karamihan sa kanila, doon na natulog at inabangan ang Pasko. Iba talaga ang pagdiriwang ng Pasko kapag sa Pilipinas na kahit ilang bagyo't pagsubok ang dumaan ay di pa rin nito napigilan ang mga kababayang magdiwang. Marahil ay pasok ang bansang Pilipinas sa Sampung pinakamasayang pagdiriwang tuwing Pasko. Pagsapit ng hapon ay nagtungo na kaming magpapamilya sa Mall. Kahit magkakasama kaming lahat ay tila di magawang pahintulutan ang saya't nai-intimidate pa kay Ate. Hindi mabatid sa sarili kung bakit ganito ang nararamdaman at parang may mali.

 7o-c. Marahil ay hindi lamang sanay at naninibago. Gayunpaman, pinigilan ko ito't nagkunwaring masaya. Sobrang naging matrapik sa lansangan kaya dakong ikalawa na ng makarating sa Trinoma. Bago kumain, namasyal muna kami at tamang kuha din ng litrato kasama ang malahiganteng Christmas tree at sa Theme park. Kahit paano ay natututo ng makisama sa kanila't marahil ay isa na ito sa pinakamasayang Pasko para sa akin. Dahil holiday, mistulang langgam ang mga tao sa dami kung pagmamasdan at dagsaan sa mgaShopping mall. Maya-maya pa'y nagtungo na kami sa restaurant na sinasabi ng ate. Hindi pa ko nagugutom subalit sa kasabikang matikman ang iba't ibang putaheng inihahain tila may nagbago sa lagay ng sikmura't ibig na itong imbakan ng panibagong pagkain. Wala kaming ginawa kundi mag-selfie habang di pa pinapapasok. Ilang sandali pa'y pumasok na kami't pumili ng ibig lantakan. Karamihan sa mga menu, pawang masasarap na di pa natitikman subalit maladyamante ang presyo, sa huli'y Kare-kare at Sans Ribal Cake ang piniling kainin.

7o-d. Makalipas ang ilang minutong paghihintay, sa wakas at hinain na ang ini-order na putahe't kainan na. Labis ang pagkatakam ko kaya sige sa pagbanat at naghalo-halo na nga ang kinain, matamis, maalat, maasim, lahat ng iyon ay nalasap ng dila. Kahit halos mabundat na sa kabusuga'y di naawat ng bibig na lantakan ang Sans Ribal Cake. Sa sarap at linamnam ng Cake, tila nabitin ako't ibig pang umorder. Sa dami ng nakahaing putahe'y di na nakayang ubusin kahit tulong-tulong na kaming lantakan ang mga iyon. Matapos ay umalis na kami. Bukod sa masaya, isa ang Pasko na ito sa di ko malilimutan sapagkat nakatikim ng pagkaing ngayon pa lamang natitikman at sama-sama pang nagsalo-salo. Ibig pa sanang mamasyal, kaso dumidilim na't mga pagod na kaya kinailangan ng umuwi.

7o-e. Pagkauwi'y kaagad akong tumungo kila Cathy. Gaya ng nakaraang pagbisita'y sila-sila lamang magkakapatid ang nadatnan. Hindi rin naman ako nagtagal at pagpatak ng Alas-siete'y umalis na ko agad. Pauwi na sana ako ng biglang may tumawag sa akin, nandoon pala sina Annie at Gelyn na nagpapaputok. Labis ang pagka-miss sa kanila kaya kamustahan kami. Maya-maya'y tumungo na kami sa kanilang bahay at nagkantahan. Hindi ko ibig ang kumanta ngayon subalit sa pangungulit, napabirit na ng wala sa oras at pakiramdam ko, isa ng pinakamagaling at tanyag na mang-aawit. Dakong ikawalo na ng mapagpasyahang umuwi. Hindi pa madalaw-dalaw ng antok kaya naisipang manood ng Video. Batid ko sa sariling hindi naging mabuting nilalang at may pagkakataon na nalalabag ang ilan sa alituntunin ng Diyos subalit hindi niya hinayaang maging malungkot ang Pasko, bagkus ay ipinaranas na nararapat akong maging maligaya't pagpalain kaya labis ang pasasalamat sa kanya. 


07 Merry Christmas! Pitong araw na lamang ang natitira't Bagong Taon na.


December 26, 2015
Saturday

Year III-360

7o-f. Narapos man ang Pasko ay hindi pa natatapos ang pagdiriwang nating mga Pinoy sapagkat pagsalubong naman sa Bagong Taon ang pinaghahandaan. Sadyang kay tulin ng panahon at di akalaing dadako na tayo sa panibagong taon. Panibagong taon, panibagong yugto muli ng buhay ang kakaharapin at ano nanaman kaya ang naghihintay sa akin sa taong 2016? Maliwaliwanag na sa labas ng ako'y magising. Pagsapit ng Alas-dyis ay nagbihis na ko upang ituloy ang naudlot na balakin kahapon at iyon makapamasko sa aking Ninong o Ninang. Kahit sabihing malaki na ko'y may karapatan pa rin naman upang tumanggap ng Aguinaldo't walang makakapigil sa naisin. Sa bahay ng Ninang Edith ako tumumgo subalit wala ito't tanging si Tito Noel lamang ang nadatnan ko. Ipinabatid sa akin ng Tito Noel na dumalo sina Ninang Edith sa kasal ng Tito Levi subalit anumang oras ay maaari na silang umuwi kaya nagawa ng maghintay.

7o-g. Habang hinihintay ang Ninang, tamang huntahan lang kami ng Tito Noel, ngayon lamang kami nagkita kaya kamustahan kaming dalawa at nakakalibang siyang kausap. Maya-maya'y ang Tito Noel na ang nagbigay sa akin ng pamasko't sinabing di muna raw makakauwi ang Ninang Edith sapagkat tutungo na ito ngBatangas. Batid kong aabutin ng gabi kapag hinintay pa ang Ninang kaya nagpaalam na kay Tito. Hindi kasing laki tulad ng aking inaasahan ang napamaskuhan ay nanatiling maligaya ang nasa loob pagkat kahit paano'y may napala ang pagpunta ko. Nagtungo pa ko ng Novaliches Bayan upang ibili ng Speaker ang napamaskuhan subalit sadyang kay mahal at di abot kaya ng bulsa. Upang madagdagan pa lalo ang dalang kwarta, nagtungo naman sa Sangandaan upang mamasko kay Ninong Udyong.

7o-h. Hindi muna agad tumungo sa kanila't nilibot ang lugar na dati naming tinitirhan. Sa tagal ng panahon ay lubhang malaki na ang ipinagbago, muntikan na ngang maligaw at di na rin makilala ang dating kapit-bahay, marahil karamihan sa kanila'y mga bagong salta na di namin naabutan. Matapos maglibot, nagtungo na ko sa bahay ng Ninong Udyong subalit sina Aling Iming at Ate Julie lamang ang nadatnan. Sinabi nilang nasa Hypermarket Novaliches ang ninong at may binibili. Gawa na hindi na matandaan ang mukha ng Ninong ay nagtanong muna bago umalis. Mahaba raw ang balbas nito kaya ng tumungo sa Hypermarket ay hinanap ang taong may balbas. Nasumpungan ko naman ang sinasabi nila subalit nag-aalinlangan ako kung siya ba si Ninong Udyong. Upang makasiguro'y sinundan ko ito saanman magtungo subalit ng makitang di patungo kila Aling Iming ang kanyang tinatahak, doon napagtanto na di nga iyon ang Ninong.

7o-i. Ano ba ito at nauwi sa wala ang pagkukumahog na makapamasko sa Ninong? Mukhang malabo ng makita ito kaya nilisan na ang Sangangdaan at labis ang pagkadismaya ko. Bago umuwi'y tumungo muna ng Tangdang Sora Bayan upang bumili ng Speaker. Bibilhin ko sana ang Speaker na gamit ay Bluetooth subalit tumataginting na halos isang libo't medyo kapos sa bulsa kaya manual and single speaker na lamang ang binili. Kahit di nakabili ng Bluetooth speaker ay masaya pa rin sapagkat nabili na ang gusto. Diretso ako pagpapatugtog pagdating ng bahay at sarap makinig ng awitin kapag malinaw at suwabe ang tugtugin. Matapos at sa pagod ay nag-siyesta muna ako't malapit ng mag-ikapito nagising. Hindi pa madalaw ng antok kaya naisipan muling manood ng Video. Singlalim na ng balon ang gabi ng mapagpasyahang ihimlay ang sarili.


06 Anim na araw na lamang at Bagong Taon na.


December 27, 2015
Sunday

Year III-361

7o-j. Napakalamig muli ang naging lagay ng panahon na siyang nagpahirap sa akin upang bumangon. Sa lamig ng panahon, nagkaroon muli ng sipon at hindi kagandahan ang salubong ng umaga pagkat sumasama ang pakiramdam at giniginaw. Tanging mainit na kape lamang ang pumawi sa katawang binabalot ng lamig. Matapos lamnan ang sikmurang magdamag na walang laman at kahit sinisipon, ginampanan pa rin ang gawaing bahay. May pinuntahan muli ang ilaw ng tahanan kaya ako muli ang nagbantay sa tindahan. Kay tumal ng dating ng mga mamimili't sa haba ng oras bago dumating ang kasunod na mamimili'y nakakainip ng mag-antabay pero kapag nasa loob ng bahay at may pinagkakaabalahan, saka naman sunod-sunod ang dating ng mamimili, tila pinaglalaruan ako ng pagkakataon. Upang hindi mainip sa kakaabang, gamit ang bagong biling speaker ay naisipang magpatugtog.

7o-k. Sarap makinig ng Musika na sariling atin at bawat liriko ng kanta, may nakatagong mahahalaga't makapukaw damdaming mensahe. Tama si Sir Barrion, mas kaaya-ayang pakinggan ang mga awitin dati kaysa ngayon sapagkat kung ihahambing, karamihan sa kanta ngayon ay ang babadoy at di akma sa mga taong mataas ang pinag-aralan at matino kundi pang-Jologs. Napapansin ko lamang, kung ano pa ang kantang di sariling atin at kanluranin, tinatangkilik at binibigyang halaga, kahit ang kantang di maintindihan katulad ng Korean Pop, baliw na baliw kapag pinapakinggan. Talagang nasakop na ng mga dayuhang kanta ang isip at diwa nating mga tagapakinig at patuloy na tinatangkilik.

7o-l. Hindi naman masamang makinig ng dayuhang kanta, basta huwag kaliligtaan na may kantang sariling atin na dapat paglinangin at pagyamananin upang pagdating ng panahon ay may maipagmamalaki tayo't maipamamalas ang kanta sa iba't ibang panig ng Mundo. Hindi ba't nakakatuwa kung ang kanta't mang-aawit natin ay tangkilikin ng ibang bansa at isa iyong karangalan. Pagsapit ng hapon at dahil wala muling magawa, panonood muli ng Epiko-seryeng Amaya ang inatupag. Nakakabilis ng tibok ng dibdib habang sinusubaybayan ang paghahanda nina Amaya at Bagani na maagaw kay Raja Angaway ang kanilang puod, hindi batid ng isip kung magwawagi ba sila't nakakakaba. Ng makipagbakbakan na sila'y hindi inasahang hahadlang sa plano si Lamitan at sadyang napakatuso niya.

7o-m. Napabagsak at napaslang nga si Raja Angaway subalit hindi nagwaging mabawi ang puod sapagkat napasakamay ito ni Lamitan. Nakakapanggigil si Lamitan at tunay ngang ganid siya sa kapangyarihan at dapat ng wakasan ang kasukaban. Naantig muli sa panonood kaya di namalayang pasapit na ang gabi't maghahapunan na. Matapos maghapunan, ipinagpatuloy ko ang panonood ng Epiko-serye. Kawawa si Amaya sapagkat hindi makalaban habang nagtututuos sila niLamitan at patuloy siyang pinahihirapan ng Agimat ni Lamitan. Mabuti na lamang, sumaklolo ang kanyang Kapid at tawang-tawa ako sapagkat ng sandaling makabawi si Amaya at hatawin ng Kampilan ang kaaway ay naputol ang kamay ni Lamitan at nararapat lamang iyon sa kanya. Sayang nga lamang at di pa niya napaslang. Ibig ko pa sanang tapusin ang Amaya subalit malalim na ang gabi't paubos na rin ang baterya ng Selepono, kinailangan ng matulog.


05 Limang araw na lamang at Bagong Taon na.


December 28, 2015
Monday
Year III-362

7o-n. Lunes nanaman at ito na ang simula ng paghahanda para sa nalalapit sa pagsalubong sa Bagong Taon. Dakong ikawalo na ng umaga nagising. Nang makapag-almusal, gawaing bahay muli ang pinagkaabalahan ko. Mula harap hanggang likod, maging kailaliman ay masigasig na nilinisan at daming nalikom na alikabok. Ng matapos sa pagwawalis, pansamantalang nagpahinga't nagbantay sa tindahan. Malapit ng gumitna ang araw subalit hindi pa dumarating si Ama't sana'y di tama ang kutob ko subalit di pa rin maiwasang mag-alala. Maya-maya pa'y dumating na si Papa, laking gulat at tuwa ko ng biglang bigyan ng isang libo, marahil ay pamasko niya iyon sa akin at hindi akalaing bibigyan ng ganong kalaking pera sa kabila na minsan ay suwail sa kanya. Sa saya'y hindi na makantanggi sa kanya't lubos ang pasasalamat. Makabibili na kung anong ibig at maging pangangailangan ay matutugunan na.

7o-o. Pagsapit ng tanghali'y halos ikaliyo ng tuktok ang tindi ng init at sinuman ang mangahas na lumabas ay tiyak na tupok ang balat. Upang maiwasang mainitan, nanatili na lamang sa bahay. Sa halip na mag-Siyesta ay nanoos muli ako ng Amaya at maghapon iyong iginugol. Kasukdulan na talaga ang kasamaan ni Lamitan at gagawin ang lahat, bumagsak lamang sa kanyang kamay si Amaya maging ang mga kapanalig nito. Subalit hindi sumusuko ang bida't patuloy na nakikipagsapalaran sa pakikipaglaban. Sadyang kay halang ng kaluluwa ni Lamitan at malupit sapagkat marami na siyang buhay na walang awang nilagutan at patuloy na pinahihirapan ang sinumang kumalaban sa kanya.

7o-p. Nakakalungkot lamang dahil nagkalayo na sina Amaya at Bagani sa kadahilanang mas uunahing pangalagaan ang puod ng lumad na kanyang pinamumunuan kaysa pag-iibigan nila, sayang at akala ko'y magkakatuluyan sila. Dumating ang panahon at pinagbuklod muli silang dalawa't lahat ng katunggali ni Lamitan ay nagkaisang pabagsakin ito hanggang sa malupig ang kanyang kapangyarihan subalit sa kasamaang palad, nakatakas ito. Gayunpaman ay may isang banwang kanyang tinutuluyan ang nagsuplong kina Amaya at tuluyan na ngang nadakip si Lamitan.

7o-q. Sa halip na awa'y tuwa ang umiiral ng pagtulungan nilang parusahan si Lamitan upang makamit ang hustisya't di naglaon ay nagapi na rin siya't maging sa Sulad ay di nilubayan ng kaparusahan at pagdurusang nararapat lamang sa taong may maitim na budhing gaya niya. Kahit inabot na ng hating-gabi sa panonood, natutuwa ako sapagkat natapos na rin at makakapagpahinga na ang aking Cellphone matapos ang ilang araw na ito'y puspusang ginamit. Kahanga-hanga ang naging kwento ni Amaya sapagkat sa kabila na napakarami ng kanyang pinagdaanan at digmaang sinuong, lahat ng iyon ay nalampasan sapagkat di siya sumuko at lumaban ng buong tapang. Tunay ngang sa panahon bago manakop ang mga Kastila ay siya ang maituturing na bayani at pinatunayang wala sa kasarian ang pagiging bayani kundi sa nilalaman ng kanyang katauhan. 



04 Tatlong tulog na lamang ang hinihintay at Bagong Taon na.


December 29, 2015
Tuesday
Year III-363

7o-r. Naging napakalamig muli ng panahon at kung ikukumpara nitong mga nakalipas na araw ay mas malamig ngayong umaga't at lumalabas ang usok sa bibig kapag nagsasalita. Sa lamig dulot ng Hanging Amihan, kahit ibalot ang buo kong katawan ay di pa rin maiwasang ginawin, sinipon na tuloy ako. Tinatamad man bumangon dala ng malamig na panaho'y tuloy ang buhay at buong tapang na nilabanan ang lamig. Habang lumilipas ang unti-unting paghupa ng lamig subalit ang sipon ay nananatiling nagpapahirap sa aking paghinga. Upang hindi lumala, naisipan munang magpahinga. Nang bahagyang guminhawa ang pakiramdam, nagsimula na ko sa gawaing bahay. Sa dami ng ginagawa't lubhang napakalimitado ng taglay na lakas kaya di maiwasang mahapo. Inilaan ko ang oras sa pagtitinda habang binabawi ang lakas.

7o-s. Pagsapit ng tanghali't humihilab na ang Tiyan sa gutom kaya hindi na nakapaghintay pa ang bibig na bumanat pagkaluto ng ulam. Sa gutom, sige sa paglantak na tila mauubusan at wala ng bukas. Masiba man kumain ay pasalamat pa rin pagkat di naiibsan ang pagiging balingkinitan at di nalapad ang pangangatawan. Saan kaya napupunta ang kinakain ko? Kinahapunan ng magtungo muli sa Computer shop upang gumawa ng presentasyon para sa nalalapit naming pag-uulat. Masusi ang pag-research ng sa gano'y hindi magkaroon ng problema kapag report na subalit anong hirap at hindi pala biro. Maya-maya, sa hindi inaasahan ay bigla na lamang namatay ang Computer.

7o-t. Magkahalong inis at panghihinayang ang naramdaman ko't balik muli sa simula. Medyo tinatamad ng gumawa ng Slide presentation kung kayaSocial Media na ang inatupag. Sa sarap makipag-chat sa Facebook ay di namalayang dumidilim na't lumalaki na ang bayarin sa renta. Bago umuwi'y nagtungo ako sa bahay ng Annie subalit tanging si Gelyn lamang ang nadatnang abala sa pagkulwit ng magarang Gadget. Ilang sandali pa, tumungo na kami sa bagong tirahan nina Regine at saktong nandoon si Annie. Wala kaming ginawang magkakaibigan kundi magkwentuhan at minsan ay lokohin na animoy ginagawa ng mga paslit. Maya-maya pa't dahil ginugutom na, napagpasyahan ng umuwi. Pagdating ng bahay ay nagkahugis bituin ang mata ko pagkat may nakahaing Pizza at iyon na ang hapunan ko. Malalim na ang gabi subalit hindi mapuksa-puksa ang ingay sa kapiligiran gawa ng tugtog, di tuloy makatulog-tulog. Saka lamang nakatulog ng dapuan ng antok at kay sarap at tamis ng pagtulog kapag malamig ang panahon.


03 Tatlong araw na lamang ang nalalabi't 2016 na.


December 30, 2015
Wednesday

(Rizal Day)
Year III-364

7o-u. Araw ng paggunita sa makasaysayang pagkamatay ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal. Sa ipinakita niyang kabayanihan ay tunay na di ito matatawaran at dapat lamang siyang ipagmalaki subalit sa paglipas ng panahon sa aking palagay ay unti-unti ng namamatay ang pag-alala sa makasaysayang pangyayari sa buhay ni Rizal. Hindi man siya nagtagumpay na palayain tayo mula sa Kastila, para sa akin, maituturing pa rin tunay na bayani. Maihahalintulad din siya kay Amaya at Bagani sa panahon ng Kastila sapagkat nagpakita ng kaisugan upang ipagtanggol tayo. Sa ganda ng napaginipan ko, tirik na ang haring araw ng magising at bumangon. Walang magawa kaya naisipan muling atupagin ang gawaing bahay. Sumunod at dahil nalalapit na ang aking pag-uulat, nagrepaso ako. Sadyang kay purol na ba ng aking kukote pagkat hirap na hirap intindihin ang binabasa't hindi maipaliwanag ng husay.

7o-v. May isang linggo pang nalalabi kaya may panahon pa upang makapaghanda at bahala na. Kahit nahihirapanhin na, hindi ako sumuko sa pagbabasa at pag-unawa. Maya-maya'y panonood na ng telebisyon ang inatupag ko. Bukas pa ng gabi sasalubungin ng masigabo ang Bagong Taon ay marami-rami ng nabibiktima ng paputok at kung pagmamasdan, talagang lapnos ang kamay at ang iba naman, kailangan ng putulin. Sa panahon ngayon ay kailangan ng ibayong ingat sa paggamit paputok kung di maiiwasan nang sa gano'y maging ligtas ang pagsalubong sa 2016. Walang magawa kaya pagkulwit ng Gadyet ang naging pampalipas oras ko.

7o-w. Pagsapit ng hapon at matapos mag-siyesta, tumungo muli ng Computer shop upang ipagpatuloy gawin ang Slide presentation. Sa dami ng dapat gawin, inabot na ko ng gabi. May pagkukumahog talagang tapusin ang Slide Presentation subalit kinakapos na ang aking bulsa. Bukas pa ang Bisperas ng Bagong Taon subalit marami ng nagpapaputok at muntikan ng magulantang habang dumaraan. Kahit ilang ulit ng pinaalalahanang huwag ng magpaputok, basta kaugalian na taon-taon ay hirap ng baliin at di naman sila masisisi. Batid ng isip na may peligrong hatid ang paputok subalit nasa pag-iingat at responsableng paggamit lang iyan. Dakong ikawalo na ng gabi ako nakauwi't diretso kain at nuod ng telebisyon. Hanga ako sa ipinapakita ni Amor sapagkat kahit di niya tunay na anak si David, inaruga pa rin nito ng husto't gagawin ang lahat, gumaling lamang ito. Labis akong na-touch sa Eksena sa Pangako Sa'yo kaya napaluha na. Si Yna naman, kung kailan may taning na ang buhay ni David, saka lamang nito nagawang mahalin at napakasalimuot ng kanilang pinagdaraanan. Ganon talaga ang pag-ibig, sadyang makapangyarihan at walang sinasaalang-alang na anumang bagay.


02 Huling tulog na lamang ang hinihintay at Bagong Taon na.


December 31, 2015
Thursday
(New Year's Eve)
Year III-365

7o-x. Ang bilis ng panahon at hindi akalaing nasa huling araw na tayo ng taon at dadako nanaman sa panibagong taon. Malakas na lagapag ng paputok ang gumising sa akin. Maliwaliwanag na sa labas kaya bumangon na ko. Bisperas ng Bagong Taon, kaya walang ibang marinig kundi sirena ng mga Torotot at may mangilan-ngilan na rin ang nagpapaputok. Halos lahat na dito sa amin, abalang-abala sa paghahanda para sa Media Noche at pagsalubong ng Bagong Taon. Makalipas ang isang linggo magmula ng matapos ang Pasko ay ipagdiriwang naman ang pagpasok ng taon na punong-puno ng saya't pag-asa sa buhay at ito na marahil ang pinakamasayang panahon sa kahuli-hulihang bahagi ng taon. Ngayong magbabagong taon ay talamak muli ang mga nakagawiang pamahiin tulad ng paghahanda ng mga bilog na prutas, pagsusuot ng Polka Dots na damit, Paghahagis ng barya't marami pang. Talagang nayakap na natin ang kaugalian ng taga-ibang ibayo, pumasok lang ang Swerte at wala ng makakaputol nito.

7o-y. Para sa akin, ang lahat ng pamahiin ay di nangangahulugang may katotohanan kung ano ang kahihinatnan kapag ginawa mo ito subalit wala namang masama kung susundin ito. Huwag parating iasa sa mga pampaswerteng bagay ang pag-asenso ng buhay kundi nasa pagsusumikap at pananalig lamang sa Diyos ang katuparan ng iyon hinahangad. Ang tunay na nagbibigay ng Swerte ay wala sa mga bagay kundi nasa Diyos. Nagpapasalamat ako sa kanya sapagkat lahat ng mga napagdaanan ko ngayong 2015 ay nalampasan, hindi ko naman magagawa iyon kung hindi dahil sa kanya. Abala ang may ari ng tindahan sa pamimili ng handa kaya ako muna ang namahala ng aming negosyo. Walang gaanong bumibili kaya tinamaan muli ng pagkabato. Idinaan na lamang sa pakikinig ng musika ang pagkabagot at pumalit ang saya't kasabikan ng loob.

7o-z.  Maya-maya pa't dumating na si ina't tumungo muli ng Computer shop upang ipagpatuloy ang di natapos na Slide presentation kahapon. Sadyang napakaraming dapat i-type at ayusin upang maging kaaya-aya sa mga tagapakinig kaya bigo ko muling matapos. Kumakalam na ang aking sikmura kaya diretso kain pagdating bahay subalit ako'y nagpakahinay-hinay at marami pang ilalagak na pagkain sa tiyan mamaya. Pawang abala na ang mga magulang ko sa pagluluto ng pang-Media Noche kaya ako muli ang nagbantay sa tindahan. Ano ba ito at hindi magawang ituloy ang balak at naglalaban ang awa't sabik at gulong-gulo pagkat nagdadalawang isip. Saka lamang nakaduli kung kailan takip-silim na't tumungo sa bahay nila Annie. Naiingit ako sa pamilya ni Annie pagkat magkakasama silang sasalubungin ang Bagong Taon na magkasundo't may pagmamahalan.

7p-a. Kumpleto naman kami't nagmamahalan subalit tila may kulang at hindi ko maiwasang maghinanakit lalo na kapag hindi pantay ang ibinibigay na atensiyon ni ina sa amin at parang hindi ko maramdaman ang kanyang pagkalinga. Mabuti pa sa kanila na kahit di kadugo'y pinaparamdam na may halaga ako at sa kanila ko nahanap ang lubos na kasiyahang sa tingin ko'y di maibigay ng buo ng tunay na pamilya. Gayunpaman, hindi ako nagsisisi na naging pamilya sila sapagkat nakakapag-aral ako't hindi namuhay na hikahos at araw-araw ay pinoproblema ang kakainin. Ayos lang sa akin na mamuhay ng mahirap, basta sama-sama't nagkakaunawaan. Sa sayang manatili sa kanila, inabot na ng gabi. Sa pagkagat ng dilim ay kaliwa't kanan na ang maririnig na tugtog at kasiyahan.

7p-b. Pagkauwi't maya-maya'y nagbihis na ko upang magsimba at magpasalamat sa Diyos sapagkat binigyan muli ng panibagong taon ng buhay. Hindi ibig na mapag-isa lamang kaya inaya ko si Annie subalit hindi ito makakasama kapag di kasama si Angelyn. Gayunpama'y di ako sumuko sa pangungumbinsi sa kanya subalit bigo itong mapapayag. Si Angelica na lamang ang inaya ko at saktong nakabihis na ito.  Ako at ang kanyang asawa lamang ang makakapagsimba't pagkasakay ng Tricycle ay may isang mamang animo'y lango sa alak ang nakatabi't hinahatak-hatak ng kanyang kumpadre. Amoy alak ito't anghit at tila nagngangalit ang mga binibitawan niyang salita, natakot ako. Patuloy sila sa bangayan at umpugan subalit natigil naman ng umalis ang Tricycle.

7p-c. Hangga't lulan ng tricycle at katabi siya'y di mawala ang takot at para siya sira sa pinaggagawa. Saka lamang nakahinga ng maluwag ng makababa.  Pagtungtong ng Saint Peter Church ay saktong kakatapos lang ngHomily at umaawit na sila. Di hamak na kakaunti lamang ang nagsipagsimba kumpara ng nakaraang linggo subalit di pa rin kami pinalad na makapasok. Ilang saglit pa'y laking gulat at tuwa ko ng biglang dumating si Annie at mga kasama nito. Lalong sumaya ang New Year ko dahil sa kanila at salamat sa maykapal. Matapos ang misa ay tumungo pa kami ng Ever Gotesco Mallsubalit sarado na ito. Kahit may kalayuan ay naglakad lamang kami pauwi at iyon ay sapalaran sapagkat umaambon at marami na ring mga pasaway ang nagpapaputok. Magkahalong saya at takot ang nadarama habang binabagtas ang delikadong daan at sa oras na makarinig ng putok ay di maiwasang tumili't mapasigaw at minsan ay napapatakbo sa tuwing may naghahagis ng paputok.

7p-d. Mayroon akong nakitang lalaking nagpapaputok ng Kwitis at saktong sa ulunan pa ng nagmomotorsiklo ito pumutok. Mabuti na lamang, nakasuot siya ngHelmet kaya di naman nadisgrasya. Sa aming nakita, mas inigtingin ko pa ang pag-iingat. Sa layo ng nilakad ay dakong Alas-dyis na ng makarating sa Taniman at nagsisimula na ang putukan. Kahit kapahamakan ang dulot dahil marami ng nabiktima ng Piccolo ay masaya namin iyon pinaputok at takbuhan kami sa oras na may naghahagis. Sa lakas ng putok ay muntikan ng marindi't sakit sa teynga. Pagsapit ng Alas-onse ay lalo pang umigting ang ingay likha ng mga paputok at wala na ring humpay sa paghipan ng Torotot ang mga bata, kaya ang saya ay hindi na mapagsidlan sa bawat mukha. 

01 Minuto na lamang ang hinihintay at papasok na ang Bagong Taon.