Martes, Setyembre 30, 2014

21. September 2014 Journal (Day 609-638)

September 01, 2014
Monday

Year II-244

4u-l. Sumapit muli pala ang Ber Months, hudyad na nagsimula na ang panahon ng kapaskuhan. Malapit ng sumapit ang Alas-singko ng ako'y dumilat at medyo inaantok pa ng lagay kung kaya nakakatamad bumangon at isa pa, masama pa rin ang timpla ko't tila di makakapasok subalit di na ibig pang lumiban. Pagkabukas ng gripo'y laking tuwa ko pagkat sa wakas nanumbalik na ang tubig. Kahit may tubig na'y di pa rin ako naligo't nagpunas lamang pagkat patuloy na sinisipon. Wala pang guro pagkarating sa eskwela't manaka-manaka pa lamang ang pagdating ng kamag-aral ko. Lumipas ang ilang saglit ng pumasok si Sir Dalope at nagturo. Matapos magturo'y nagkaroon kami ngseatwork at naging sisiw lamang sa akin ang unang bahagi ng seatwork subalit anung hirap ng sa pangalawa't kahit anung piga ng utak ay wala pa ring maisagot. Idagdag pa ang sabay-sabay na pagsasalita ng kamag-aral na siyang lumilikha ng ingay.

4u-m. Sa oras naman ng General Psychology, ang inakalang magkakaroon ng seatwork, nagkakamali't nag-activity lamang kami. Ilang saglit pa, lumabas na kami. Di pa sana ako kakain pagkat busog pa subalit panay ang pangungulit ng kasamahan kaya di na ko nakahindi pa't ang sagwang pagmasdan kung ako lamang ang di kumakain. Ang daldal ni Gelo at sa kadaldalan nito, di ko magawang sumingit. Matapos kumain, naisipan naming magtungo sa Library at kita ko ang haba ng pila sa registrar para magbayad ng matrikula't makakuha ng permit habang patungo roon.

4u-n. Buti na lamang at nakakuha na ko. Nang nasa library na ay tamang kwentuhan lang kaming magkakasama't naiba ang usapan ng si Jhanina ay magkwento't napakaselan ng bagay na kanilang pinag-uusap at kay mumura pa ng edad nila upang pag-usapan iyon. Maya-maya'y biglang tiningnan ni Gelo sainternet gamit ang haliparot niyang Android phone kung ano ang hitsura ng nabanggit ni Jhanina at sadyang napakalibog ng larawan, ito namang si Gelo, tuwang-tuwa't di ko lubos maisip na mapag-uusapan nila iyon. Ako naman, pabasa-basa lang ng hand-out at di na nakisali pa sa kalibugan nila. Ang ingay tuloy namin dahil diyan at ilang saglit pa'y nagtungo na kami sa silid. Di pa dumarating si Sir Marvin at dahil walang magawa, ako'y nakinig muna ng musika.

4u-o. Pagkadating ay wala pa ring pagbabago sa paraan ng pagtuturo ni Sir Marvin pagkat panay ang patawa't mukhang di talaga sineseryoso. Ilang saglit pa'y uwian na't pagkarating sa bahay ay medyo nagmamadali ako sa paghahanap ng isasalpak na Flash drive dahil uulan na't kailangan na sa shopna ako bago bumuhos ang ulan. Madilim na ang kalangitan at kumukulog na, sa takot na abutan ng ulan ay dali-dali akong nagtungo sa Computer shop. Medyo minalas ng kaunti pagkat mabagal na nga ang Internet at nag-brown-out pa, tuloy ay pumalya ang gawain ko. Nagtungo pa ko sa bahay nina Auntie Cleng matapos magkumpyuter subalit wala sila ng datnan ko, kila Tito Elbong na lamang ako gumawi. Laking gulat ko't nagtataka pagkat habang nag-uusap kami ni Tito Elbong ay biglang nagpakita sa may kusina si Tita Jean at nagtataka na ang isipan ko simula ng magpakita siya.

4u-p. Gusto ko sanang alamin ang tunay na dahilan kung paano na nakabalik si Tita Jean subalit hiya ang pumigil sa akin at baka isipin ni Tito Elbong na nanghihimasok ako sa buhay nila. Sa hiya, di na ko nagtagal pa sa kanila. Kaagad kong naikwento kila Mama ang tungkol sa nakita ko't di ko napaghandaan ang sermon niya't panay pa ang pangaral sa akin. Di ko maintindihan sa kanila pagkat sila pa ang may ganang sumama ang loob, samantalang nagtatanong lang naman ako. Kaya minsan, tikom na lamang ang bibig ko kahit may gusto akong alamin at pakiwaring may tinatago sila. Midterm exam na kinabukasan kaya nagsunog kilay ako kinagabihan. Sa antok, maaga akong tumulog at goodluck na lang bukas.



September 02, 2014
Tuesday
Year II-245

4u-q. Dinig ko na ang malakas na pag-uusap nila Mama at Ate Wenang na di ko naman lubos maunawaan pagkat Ilokano subalit sa antok, di ako magising-gising. Malapit ng mag-ikawalo ng ako'y bumangon at diretso higop ng mainit na kape. May balak sanang ipagpatuloy ang pagrerepaso subalit di ko magawa pagkat panay ang pag-uusap nila Mama at ang lalakas pa, di ko naman mapagsabihan pagkat batid kong wala akong karapatan. Nakakainis lang sa kanila pagkat sa tuwing maglalahad ako ng opinyon ay tila di nila ako pinapansin at minsan ay di kumikibo. Palibhasa'y masyado silang nice talking at nakakabuwisit ang ganung tao. Nabubuhay pa ko sa mundong ibabaw pero bakit ganito ang pakiramdam ko, umiiral pero parang di nila nakikita at kung magsalita man ako ay parang di naririnig. Di ko lubos malaman kung ano ang pagkukulang at problema ko kung bakit ganoon ang pakikitungo ng kapwa ko. Parang kung ano ang ugali ni Juan, ganun rin si Pedro't di ko maunawaan kung bakit nangyayari ito sa 'kin na matagal ko ng dinadanas pero ipinagsasawalang bahala lamang.

4u-r. Nang bahagyang tumahimik, saka lamang ako nagrepaso at English at Filipino ang aking nirepaso. Maya-maya pa'y naghanda na ko para sa aking pagpasok at pagkarating sa eskwelahan ay dagsaan ang mga estudyanteng magsisiuwian. Saktong nakita ko ang ilang kamag-aral na ngayon pa lang kumakain at nakisama ako sa kanila. Tamang kwentuhan lang habang di pa pumapasok sa silid. Ilang saglit makalipas ay pumasok na kami ng silid. Di pa nagsisimula ang Midterm exam kaya todo pagrerepaso na ang ginawa ko. Di ako makapagrepaso ng ayos gawa na napakaingay sa silid. Pagkapasok ng Proctor ay laking gulat na may halong tuwa pagkat si Sir Anton ang naging proctor namin at medyo may pagka-istrikto ito kaya labis ang pagkasindak sa dibdib na akala'y lalamunin sa laki ng boses ng siya'y magsalita. 

4u-s. English subject ang una naming naging pagsusulit at sa pangkalahatan ay naging sisiw lamang ang naturang pagsusulit at di man lang sumakit ang ulo sa kakaintindi ng grammar subalit ng mapansing ako na lang ang sumasagot ay hinula-hulaan na lamang ang nalalabing aytem at goodluck sa test. Sa kadahilanang kaming dalawa lang ni Hanna ang di sumasali sa Practical test ay inabisuhan kami niSir Anton na magtungo sa kanyang Faculty, marahil ay ibibigay na niya ang special project o may ipapagawa. Grabe si Sir Anton pagkat ang harsh niyang magsalita at sabihan ba namang may Scoliosis daw ako sa utak, bagay na di ko ikinatuwa't muhi ang naramdaman sa dibdib. Di ko naman mailabas pagkat Guro ko siya't sinakyan ko na lamang ang kanyang biro. Habang naglalakad kami'y mas pansin ko ang lakad niya kaysa kasuotan pagkat ang haliparot at kala'y Dyosang maganda kung makarampa, tawa na lamang kami ng tawa sa akward na kilos niya.

4u-t. Pagkarating sa Faculty ay sinabi niya ang gagawin at iyon ay magkakabit ng wire ng mikropono at ang dali lang pala. Matapos kausapin ay nagtungo na kami sa silid. Habang di pa pumapasok ang kasunod na professor ay nagrepaso muna kami, hindi naman makapagrepaso ng ayos pagkat balot ng kaingayan ang buong silid. Maya-maya'y dumating na ang proctor namin at Filipino subject ang sunod naming pagsusulit. Nakakatuwa lamang sa pagsusulit pagkat hanggang 60 items lang at madali rin kaya kaagad naming natapos. Matapos ang pagsusulit, uwian na't si Erik lamang ang nakasabay ko sa pag-uwi. Pagkababa sa may Sandigan ay saktong nakita ko Si Tita Juliet kasama si Amihan at Habagat at sumabay na rin sa kanila sa pagsakay. Di pa ko umuwi't diretso computer shop pa.

4u-u. Labis akong naiinitan sa suot ko kaya nawawala na ang konsentrasyon sa gawain at pinagpapawisan na rin. Sa sarap magkumpyuter ay inabot na ko ng gabi sa pag-uwi. Wala sila Mama ng datnan ko pagkat nagtungo raw sa Airportupang sunduin si Ate Cecile na galing abroad. Lumalalim na ang gabi, subalit di pa sila umuuwi. Malapit ng mag-ikasampo ng sila'y dumating kasama si Ate Cecile at bitbit ni Ate Cecile ang maraming pasalubong na galing abroad at tiba-tiba ako sa pagkaing ngayon ko lamang malalasahan. Bukod sa imported na pagkain tulad ng tsokolate at prutas, may dala rin siyang pabango at iba ang bango ng ibang bansa pero mas ibig ko pa rin ang sariling atin. Sa dami ng nakain na nagkahalo-halo na nga, labis ang aking pagkaumay. Malapit ng maghating-gabi ng maisipang matulog.



September 03, 2014
Wednesday

Year II-246

4u-v. Dama ko pa rin ang antok sa buong pagkatao't tila di ko pa ibig ang bumangon subalit kalat na ang liwanag sa labas at may pasok pa ko. Dahil sa dalang pasalubong ni Ate Cecile, maging ang agahan ko'y kakaiba at first time ko lang matikman ang pagkaing mula Middle East. Kaagad akong nagbuklat ng libro matapos mag-almusal, kaso ay tinamaan muli ako ng katamaran at ayaw ko ng sumakit ang ulo sa dami ng ipinapasok, nag-Internet na lamang ako through The use of Cellphone. Habang nag-acces sa Internet ay dinig ko ang balak nila Mama at iyon ay pupunta sa SM. Sabik agad ang namutawi sa dibdib ng maulinig iyon at parang gusto kong sumama, kaso'y may pasok ako. Maya-maya, tanghalian na't dinuguan ng Ilokano ang ulam namin na niluto pa ni Ate Wenang at ang sarap.

4u-w. May kakaiba lamang sa dinuguan nila pagkat tuyo ito’t pawang karne’t talong lamang ang sahog. Malapit ng mag-ikasampo ng lisanin ko ang minumutyang tahanan. Pagdating sa eskwelahan, di pa nagsisimula ang pagsusulit, may balak sanang samantalahin ang oras sa pagrerepaso subalit batid kong mahihirapan lamang maisaulo dahil balot sa ingay ang buong silid na tila di nauubusan ng kwento sa katabi, di ko na lang itinuloy. Maya-maya pa, dumating na ang Proctor at Math subject naman ang naging pagsusulit namin. Sa una'y naging sisiw lamang kahit more on solving, kaso daming error sa mgachoices kaya minani ko na lang ang pagpili. Ng pangalawang pagsusulit, Doon talaga ako nahirapan kaya ako'y nagtagal at maging maganda nawa ang resulta ng aking mga pagsusulit upang ikatuwa ako ng aking magulang.

4u-x. Matapos ang pagsusulit at sa halip na dumeretso sa bahay ay bigla kong naisipang sumunod kila Mama sa SM North EDSA. Naging napakalakas ng ulan habang ako'y nasa biyahe kaya naging mabagal ang daloy ng sasakyan. Todo hanap at text kila Mama ang ginawa ko pagkarating sa SM subalit di man lang sumasagot. Nilibot ko na ang buong SM kahit may kalakihan subalit di ko pa rin sila masumpungan at pagkainis na ang naramdaman ko. Nang mapagod sa kakalakad, naisipan kong magtungo sa Food Court at maupo upang hintayin sila. Panay ang text ko kay Mama subalit ni isang reply ay di man lang matanggap kaya lalo pang sumidhi ang inis ko. Isang oras na ko naghihintay subalit di pa sila dumarating, naisipang umuwi na lang. Pagkasakay ko sa Tricycle ay saktong nagkasabay kami ni Ate Anne bitbit ang sanggol nitong anak, marahil ay mananalubong kay Ate Cecile kaya naisipan niyang muling magtungo at nadudungo pa itong magpakita.

4u-y. Pagkarating ay gulat at galit ang naramdaman ko pagkat nasa bahay pala sila Mama at sinabing kararating lang daw galing SM. Nagalit ako kay Mama dahil sa di nito pagsagot sa mga text ko't panay katwiran ito. Humupa lang ang galit ko ng bigyan niya ko ng pera maging si Ate Cecile at Jackpot ako ngayon. Tamang Selfie lang kami magkakamag-anak at di pa nakuntento, nag-Monopad pa. Ilang saglit pa, biglang bumisita sila Auntie Andrea at nakipagtsismisan. Ang bahay, naging maingay at masaya muli dahil sa madami kaming bisita. Bumalik lang sa pagkatahimik ang tahanan ng umalis na sila Auntie maging si Ate Anne at malungkot na.

4u-z. Ngayong gabi rin ang laban ng pambato nating Gilas Pilipinas kontra Puerto Rico at inabangan namin iyon. Lamang na lamang ang Pilipinas sa first quarter subalit ng mga sumunod naquater ay lalong uminit ang laban at dikit ang iskor. Kaba ang namutawi sa dibdib habang nanonood ng basketball sa takot na matalo muli sila. Lalong humataw ang Puerto Rico ng sa huling quarter hanggang sa hirangin na sila ang kampyon. Nakakalungkot lang isipin na wala pang naipapanalo ang Pilipinas sa Fiba world cup simula ng lumaban sa iba't ibang bansa at sayang pagkat kaunting paligo lang ang lamang ng kalaban. Bawi na lang next time. Di pa ko makatulog kaya diretso access sa Internet matapos manood ng telebisyon at Alas-onse na ng maisipang matulog.



September 04, 2014
Thursday

Year II-247

4v-a. Malapit ng sumapit ang ikawalo ng umaga ng ako'y nagising. Hindi naging kagandahan ang umaga ko't nagising na balisang-balisa at hingal pagkat di naging maganda ang napaginipan ko. Pasalamat na nga lang at di ako binangungot at di ko pa ibig ang pumanaw. Sa takot na ayaw ng balikan ang karanasan sa panaginip, di na ko nagpahalata kila ina at di sinabi ang tungkol doon. Labis ang trauma ko kaya naging mabagal ako sa pagkilos at natitigilan pa minsan-minsan kapag naiisip pero di ako paapekto't nagawa ko pa rin pumasok. Habang nasa biyahe'y dali-dali kong binuksan ang libro't binigla ang sarili sa pagrerepaso pagkat masyadong kapos ang oras. Sa ginawa ko, natuklasan ko na may maganda palang idudulot ang snap study pagkat mas madali kong nakakabisado ang inaaral at di pa nakakalimutan. Pagkatingin sa may relo, kaunting oras na lang ang nalalabi bago magsimula ang exam kaya may pagmamadali ako sa paglalakad. Matinding hapo ang inabot ko pagdating sa silid at ipinagpatuloy ang pagrerepaso.

4v-b. Ilang saglit pa'y dumating na ang aming proctor at nagsimula na nga ang pagsusulit. General Psychology ang naging pagsusulit namin para sa araw na ito't kahit nagrepaso ako'y nahirapan pa rin lalo na sa unang bahagi’t tila di itinuro sa 'min ni Ma'am Joyce ang lesson na lumabas sa exam. Sa mga sumunod na bahagi ng pagsusulit, doon ako nadalian kaya naging mabilis ang pagtugon ko sa bawat katanungan kaso ng huling bahagi na, na-stress ako ng husto pagkat kailangan iguhit ang utak ng tao maging ang Edocrine system subalit naging madali naman sa pangkalahatan. Matapos ang pagsusulit at sa halip na diretso uwi, nagtungo pa ko sa bayan ng Novaliches upang bumili nghousing para sa selepono ko.

4v-c. Nang makabili, di na ko nagtagal pa't dagliang umuwi. Napakatindi ng init na aking nadarama tapos siksikan pa sa sasakyan kaya mauupos na ang paghinga ko. Kanina pa kumakalam ang sikmura kaya pagkain agad ang hanap ko pagdating sa bahay, kaso'y bahaw ang kanin at naghintay pa ng ilang minuto pagkat pinapainit pa. Sige ako sa pagbanat ng ulam ng mapainit ang kanin. Ngayon rin ang huling araw na pananatili nila Ate Wenang dito sa bahay pagkat tutulak na sila pa-Mindanao, tuloy ay di ko na maiwasang malungkot at nasanay na ko na tuwing umaga maging sa gabi'y ang mabilis niyang pagsasalita ang nauulinig ko't pansin kong sumasaya ang bahay kapag di lamang kami ang nakatira.

4v-d. Pagkagising ni Ate Wenang, sinulit ko ng makipag-usap sa kanya at ang saya nito kausap kaso di na nagtagal pagkat ako'y antok na. Di ko pa ibig ipikit ang mata sa takot na managinip muli ng di maganda subalit sa antok ay di ko napigilang umidlip. Umalis na pala sila Ate Wenang ng ako'y magising at sayang pagkat di man lang ako nakapagpaalam. Diretso sagot ako ng take home quiz sa Social Science at sinabayan ko na rin ng pagrerepaso na buong maghapon kong inatupag. Naging maulan ang maghapon na lalo pang nagpasarap sa 'kin upang mag-aral at nagpalamig sa aming gabi. Nawa'y maging madali para sa akin ang nalalabi pang pagsusulit bukas. Di pa masyadong antok kaya ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso matapos manood ng telebisyon. Medyo lumalalim na ang gabi't maaga pa ang gising bukas kaya di na nagpuyat pa sa pagrerepaso.



September 05, 2014
Friday
Year II-248

4v-e. May araw na sa labas ng ako'y dumilat at nawala na rin ang antok kaya ako'y bumangon na't nag-almusal. Mga Alas-otso ng makarating ako sa eskwela. Isang oras at kalahati pa bago magsimula ang aming pagsusulit kaya nagtungo muna ako sa Canteen at nagrepaso. Naging magandang pagkakataon sa 'kin ang magrepaso pagkat di pa gasinong maingay at nakakapag-aral pa ng maayos, iyon nga lang at makalipas ang ilang sandali'y ang biglang dating ng dami ng estudyante't sadyang napakaingay nila kaya di ako makapagrepaso ng ayos, umalis na lang ako't bago magtungo sa silid ay saktong nakita ko sina Mondia at sa kanila ako sumabay sa pagpasok. Habang di pa dumarating ang aming Proctor ay ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso't mukhang mahihirapan ako mamaya sa pagsusulit pagkat di pumapasok sa utak ang lahat ng inaral ko.

4v-f. Ilang sandali pa makalipas ay dumating na ang proctornamin at Social Science ang una naming pagsusulit para sa araw na ito. Lumabas sa pagsusulit ang lahat ng nirepaso ko kaya naging sisiw lamang para sa 'kin pero pagdating ng Chronological Arrange ay doon ako labis na nahirapan at naghula-hula na lamang sa pagpili ng sagot. Di ko akalain na may ganung uri sa exam na lalabas at di ko napaghandaan kung kaya maliit lamang angexpectation ko na mataas ang makukuhang marka. Matapos ang pagsusulit, lumabas na kami at kumain. Nang mabusog sa kinain at maubusan ng kwarta pambili ng pagkain ay agaran kaming nagtungo sa silid.

4v-g. Chemistry subject ang sunod naming exam subalit di naman ako makapagrepaso sa Chemistry pagkat di ako nakapagpa-zerox ng hand-out at bahala na mamaya. Habang di pa dumarating ang susunod na Proctor ay paglalaro ng Flappy bird kasama si Clark haven ang inatupag at libangan. Napakahambog ni Clark Haven pagkat porket magaling siya maglaro ng Flappy bird ay may gana na siyang magmataas kaya pagkabwisit ang naramdaman ko sa kanya. Nakipagkompetensya ako sa kanya't talagang ginalingan ko upang mahigitan ang Score na naitala niya at pahiya ang mokong hambog pagkat nahigitan ko nga siya. Humingi pa siya ng rematch sa 'kin subalit di na natuloy pagkat bigla akong inutusan ni Marlou na magpa-zerox.

4v-h. Pagkabalik sa silid ay nandoon na ang proctor at nagsimula ng sumagot ang mga kamag-aral ko. Sa una'y madali lamang ang naging pagsusulit saChemistry at nasasagutan ko pa ng maigi pero pagdating sa World problem ay doon ako halos mangamote. Di ko na ibig pang sumakit ang ulo sa kakaintindi kaya naghula-hula na lamang, isa pa'y di ako nakapagdala ng Calculator at naging mano-mano sa pagso-solve. Kaagad akong lumabas matapos ang pinakamahirap na exam subalit di kaagad nakaalis pagkat may inasikaso pa ko. Malapit ng mag-ikalawa ng makaalis ako sa Eskwelahan. Todo anyaya sa 'kin sina Erik na mamasyal sa SM pero mas pinili kong umuwi na lang. Kung kailan nasa biyahe na ko'y biglang nagbago ang isip at naisipang magtungo sa Northridge Plaza, kung saan dati'y sumasailalim ako ng libreng Therapy at upang kamustahin na rin ang mga naging Therapist Instructor ko subalit sarado na't di ko na sila nadatnan pa, marahil ay lumipat na o wala ng kliyenteng ibig sumailalim sa Therapy kaya sila nagsara. Di ko pa ibig umuwi kaya naisipan ko munang magtingin-tingin at magbasa sa Bookstore.

4v-i. Mga ikaapat na ng maisipan kong umalis, medyo nakaramdam ng pagkalam ng sikmura kaya bago umuwi'y sumubo muna ako ng street foods at labis ang aking pagkaumay. Sa umay ay mukhang di na kakain ng hapunan. Alas-singko na ng makarating sa bahay at kaba at takot ang agad umiral sa dibdib ng magtanong si ina't lakas loob akong nagdahilan, kung di lamang siya yung taong agad ay mag-aalburoto't di nakakarindi ang kanyang pagbubunganga'y mas nanaisin kong palaging tapat sa kanya. Maya-maya'y hapunan na't di gasinong karami ang kinain ko pagkat ako'y busog. Tuwa ang namutawi sa dibdib pagkat sa wakas ay natapos din ang pagsusulit at may laya ng magpakasarap sa buhay kaso goodluck na lamang sa kaba na maaring maramdaman kapag malalaman na ang resulta sa exam, sana'y puro matatayog ang matamo kong marka ng ikatuwa't ipagmalaki ako ng magulang ko.



September 06, 2014
Saturday

Year II-249

4v-j. May kaginhawaan sa dibdib akong gumising at bumangon at ang aliwalas ng lagay ng panahon na siya pa lalong nagpatingkad sa makulay kong pakiramdam at di ko mabatid ang mitsa kung bakit ang sigla-sigla't maligaya ang araw ko kahit wala namang nakikitang bagay ang nagpapaligaya sa akin. Upang lalo pang lumigaya't sumigla ang araw ko, naisipan kong magpatutog. Pagkagaling ng ate ko sa opisina'y nabawasan na ang enjoyment ko sa pakikinig pagkat di ko magawang palakasin ang tugtog at matutulog siya. Sa tuwing magpapatugtog ako't darating ang ate ko'y parating ako ang makikiramdam, pangit lang kasi sa Schedule ng trabaho niya pagkat di magawang makapag-ingay sa araw dahil kailangan bigyan ng sapat na oras upang makapagpahinga ito, di tulad kapag pang-umaga siya, wala ito sa bahay at may layang makapagpatugtog ng malakas, kaso may isa namang parating komokontra't nakakainis lamang pagkat parating ako ang nagbibigay at umuunawa samantalang pag-unawa nila'y di maibigay sa 'kin at iyon ang pakiramdam ko.

4v-k. Dahil diyan kaya ang inakalang maligaya ang buong araw ay nabasag na't labis ang panghihinayang ko sa kanilang lahat, pinatay ko na lang ang tugtog upang wala ng masabi pa. Ang hirap sa mga nakapaligid sa 'kin, parating gusto nila ang masusunod kahit ayaw ko samantalang kapag itinuloy ko ang gusto ko't kahit di masama, sila pa may ganang magalit at pagbawalan ako. Sa nakikita ko sa mundong ito'y masyadong unfair ang bawat kaganapan. Pantay-pantay ang estado ng pamumuhay namin pero kung makaasta sila'y parang sila ang nakakataas. Maya-maya'y nagtungo na ko sa Barber shopupang magpagupit, sa barbershop nila Mang Usman ako nagpagupit at matapos ay nagkumpyuter ako.

4v-l. Labis ang ingay ng mga batang nagsisiksikan sa limitadong espasyo tapos ang babantot pa kaya di na ko nagtagal at naisipang ipagpatuloy na lang ang ginagawa mamaya. Diretso banat ako ng nakahaing ulam sa mesa pagkauwi't matapos ay nag-siyesta. Bigla akong nakaranas ng pagsama ng pakiramdam ng ako'y magising at mukhang di ko muna ipagpapatuloy ang balakin sa takot na lumala. Ng bahagyang guminhawa, lumakad na ko patungong computer shop at nagkumpyuter muli. Madilim-dilim na ng ako'y umuwi't nanunumbalik muli ang pagsama ng pakiramdam kaya dinamihan ko ang inom ng tubig habang naghahapunan.

4v-m. Matapos maghapunan ay panonood ng telebisyon ang sunod kong inatupag at dami kong aral na natutuhan sa kwento sa MMK. Nagkaroon man ng sugat sa pagitan mo at ng iyong magulang ay pagpapatawad pa rin ang magiging susi upang maibalik ang maayos ninyong pagsasama. Halos maiyak ako sa ending ng story pagkat ang dati niyang ina na walang ginawa sa buhay kundi ang maglasing at sarado ang puso sa kanyang mga anak, sa huli'y nagawa niyang magpakumbaba't inamin ang lahat ng naging pagkukulang, pinatawad naman siya ng kanyang anak. Sana, sa lahat ng anak na napapalayo ang kalooban sa magulang dahil sa kakulangan ng atensyon at pagmamahal ay huwag ng maging matigas ang puso kapag ang magulang nila'y humihingi ng tawad at doon lamang matatapos ang pagsubok na inyong kinahakarap, ang pagpapatawad.



September 07, 2014
Sunday

Year II-250

4v-n. Kalat na ang liwanag mula sa labas ng ako'y gumising, hindi nga lang naging kagandahan ang pagpasok ng araw sa 'kin pagkat patuloy pa rin akong sinisipon at tila magkakasakit ako. Kahit masama ang pakiramdam at dahil simpleng gawain naman ay nagawa ko pa rin maghugas ng plato matapos mag-almusal, di nga lang pwede sa akin ang magwalis pagkat makakalanghap ng alikabok na siyang magpapalala sa kalagayan ko. Matapos maghugas, paglalaba naman ang inatupag ko't ang ganda ng panahon, magandang pagkakataon upang makapagpatuyo ng sinampay. Laking pagsisi ang umiral sa kalooban matapos maglaba pagkat lalo pang sumama ang pakiramdam ko't tila lalagnatin pa, upang di matuloy ang aking pinapangambahan, pansamantala akong nagpahinga. Panay na ang aking pagsinga't dama ko rin ang pananakit ng lalamunan, marahil ay dinapuan na ng Mers Corana Virus o gawa lamang ng pabago-bagong panahon. Ganito na lang ba parati ang nararasan ko?

4v-o. Madaling kapitan ng sakit at ayaw ko ng gumastos pang muli sila ina pagkat mahal ko sila't sa halip na mapunta sa pagpapagamot ay ilaan na lang sa pang-araw-araw na pangangailangan, kaya ako na mismo ang gagawa ng paraan upang gumaling. Upang mailabas ng husto ang nakakapit na uhog, inanghangan ko ang aking pagkain at hinaluan na rin ng kalamansi ng mapunan ang kakulangan ko sa bitamina. Sa anghang ay labis akong pinagpawisan at epektibo ang naisip ko pagkat lumabas nga ang sipon at bahagyang guminhawa ang pakiramdam. Diretso tulog ako matapos kumain.

4v-p. Kinahapunan, tinamaan muli ako ng pagkabato, balak sanang magtungo sa labas upang magkumpyuter, kaso'y nakakasawa na't isa pa'y baka lalo pang lumabo ang paningin ko, nanatili na lamang sa bahay at nilibang ang sarili sa pakikinig ng musika. Kahit paano, pinapawi nito kung anuman ang negatibong bagay ang bumabagabag sa dibdib at gumiginhawa ang pakiramdam ko. Habang sarap sa pakikinig ng musika ay bigla kong nadinig ang nakakaalarmang tunog, dumako ako sa labas at ng malingat ay dumating pala ang ambulansya't daming tao na karamihan ay gusgusing bata ang nakiusyoso, di ko mabatid kung sino ang isusugod at pagkatigil at bukas, awa ang namutawi sa dibdib at kawawa ang pasyente pagkat nanginginig ito, marahil ay inatake ng Epilepsy o kinukumbulsyon.

4v-q. Nang makaalis ang ambulansya, balikan na ang mga ususero't ignorante na tila sa tana ng buhay ay ngayon lang nakakita ng ganung pangyayari't naghari muli ang dating payapa ng aming kapaligiran. Pagsapit ng gabi, muli nanaman sumungit ang timpla ko kaya lahat ng alternatibong paraan ay ginawa ko na upang gumaling. Hindi ako pupwedeng lumiban bukas sa klase pagkat may re-test kami sa General Psychology at mag-uulat pa sa Social Science, isa pa'y masasayang ang isang araw kung wala akong matutuhan. Nawa'y gumaling na ko ng lubusan bukas. Matapos manood ng telebisyon, diretso higa na sa kama, kaso dahil sa lintik na sipon, nahirapan ako sa pagtulog.



September 08, 2014
Monday

Year II-251

4v-r. Makirot-kirot at kay hapding lalamunan agad ang naramdaman ko sa aking paggising at wala pa ring pagbabago sa aking kondisyon. Sa sama ng timpla, tila tinatamad akong bumangon at balak pang lumiban sa pagpasok, kaso iniisip ko ang consequences na maari kong kaharapin kaya kahit di ko pa ibig bumangon ay pinilit ko pa rin ang sarili. Bago pa man makarating sa eskwela at kung kailan malapit na'y matinding trapik naman ang sumalubong sa 'kin at parang eksena lang sa NLEX ang pangyayari pagkat usad pagong at bumper to bumber ang mga sasakyan, naglakad na lamang ako upang di mahuli. Nasa harapan na si Sir Dalope ng ako'y makarating at nagtsek lamang kami ng mgaseatwork. Hindi ako nasiyahan sa mga natamong marka pagkat ang bababa samantalang pinag-iisipin ko ang isasagot ko't palaisipan kung saan may pagkukulang. Bago pa man matapos ang oras ng Math ay ibinigay na ni Sir ang naging resulta sa naganap na long test at napalitan ng tuwa ang kaninang dismayado. Maya-maya'y General Psychology na't Very Interesting ang lesson ni Ma'am Joyce pagkat tungkol iyon sa Emotion, bukod sa nagtuturo si Ma'am ay kanya-kanya rin kaming labas ng saloobin at naging pagkakataon ko na rin upang sabihin kung anong personal feelings ko sa mga bagay-bagay na araw-araw kong naiingkwentro't todo pagpapayo si Ma'am.

4v-s. Muntik-muntikan ko ng ilabas ang emosyon pero hiya ang pumigil sa akin at sa totoo lang, ganitong klaseng tao ako, yung tipong di palangiti at mapag-isa. Kung may bagay na nakakatuwa at mapunta ako sa lugar na masaya, tatawa ako pero di gasinong kasidhi't di ko magawang panatilihin sa dibdib ng matagal ang saya. Minsan, kapag makikitang nakangiti ako pero ang totoo'y nagkakaila lamang ako na masaya't kaya naman ako ngumingiti pagkat palagi kong sinasa-alang-alang magiging impression ng kapwa't ayaw kong layuan nila dahil lamang sa Biyernes santo ang pagmumukha ko. Tama si Ma'am Joyce, dialways negative ang lungkot pero di rin maganda ang parating nakasimangot at matutong ngumiti o tumawa paminsan-minsan pagkat laughter is the bestmedicine, ngayon alam ko na sa sarili na kaya ako sakitin ay dahil sa malungkutin akong nilalang.

4v-t. Matapos ang klase, kaagad kaming dumeretso sacanteen upang kumain, di sana ako kakain pagkat masama ang pakiramdam pero dahil sa pamimilit ng kasamahan ko'y kumain pa rin. Mamaya na pala kami mag-uulat ni Manelle sa Social Science at labis na ang kaba sa dibdib pagkat di pa ko nakakapaghanda. May balak sanang bumili ng dyaryo na gagamitin sa pag-uulat pero laking galak ko pagkat nakabili na si Manelle. Ng magpunta kami nina Stella sa library, pagbabasa ng dyaryo ang inatupag ko't pagkakabisado kung anong sasabihin sa harapan. Habang umiigsi ang oras ang pasidhi ng pasidhi ng kaba sa dibdib at nawa'y ikalugod ni Sir ang pag-uulat namin.

4v-u. Maya-maya pa'y nagtungo na kami sa silid. Di kaagad kami nakapag-ulat dahil nagkaroon ng Post-test at lungkot muli ang namutawi sa dibdib ng ibigay na ang resulta ng Midterm exam pagkat wala pa sa kalahati ang nakuha kong marka. Ang kaninang malungkot, napalitan muli ng tuwa pagkat di natuloy ang pag-uulat namin ni Manelle. Pagkababa ng tricycle at magbabayad, labis kong ikinabuwisit ang pagiging magulang ng tsuper sa paniningil at ang kapal ng pagmumukha pagkat sinabihan ba naman niya kong di na raw Estudyante, tinarayan ko nga subalit di ko na nagawa pa pagkat umalis na siya. Sa gutom, diretso lantak ako ng pagkain pagkarating sa bahay at natulog. Malapit ng dumilin ng ako'y magising at nanood ng telebisyon. Dahil wala muling pasok kinabukasan, nagpuyat pa ko sa panonood at malapit ng sumapit ang Alas-onse ng maisipang matulog.



September 09, 2014
Tuesday

Year II-252

4v-v. Dakong ikawalo na ng umaga ng ako'y nagising at halos ikamilipit ko ang pananakit ng lalamunan, barado pa rin ang ilong ko't panay ang pagsinga, kaso'y wala namang lumabas. Upang mailabas ang napakadigkit na sipon na siyang nagpapasakit sa lalamunan, diretso higop ako ng mainit na kape. Matapos humigop ng kape at dahil walang magawa, naisipan kong maglaba. Sa kakakusot ng uniporme, pumuti lamang at matanggal ang mantsa'y halos ikapunit na ng palad ko't kahit anung pilit gawin ay hirap tanggalin ang mantsa. Bukod sa pagkukusot, may naisipan akong paraan kaso di pa rin tumatalab at sadyang napakatindi ng kapit ng mantsa, ibinabad ko na lang ang uniporme't hinayaang maimbak. Kung kailan nakapaglaba ako, saka naman makulimlim at nagbabadya pa ang ulan. Maya-maya at ng makapagsampay, naisipan ko muling magtungo sa computer shop at nagkumpyuter.

4v-w. Habang nasa loob ngshop ay labis kong ikinaiirita ang ingay ng mga paslit na umuupa ng computer at walang ginawa kundi magsisigaw habang humaling sa paglalaro ng DOTA, yung in charge naman, sa halip na magsaway ay siya pa ang pasimuno ng ingay at di man lang magawang itaboy ang ibang bata na nakatambay lamang at nag-iingay. Sa ingay at idagdag pa ang masamang amoy na umaalingasaw sa buong shop, di ko na nakaya pang manatili at di nagtagal, umalis na lang ako't naisipang mamaya na lang ipagpatuloy ang mga dapat kong tapusin. Pagkalabas, patay at di ako nakapagdala ng payong pagkat umaambon, bawal pa naman maambunan pagkat ako'y sinisipon at baka lumala, no choiceako't ambon lang naman kaya sinagupa ko na. Sermon ni ina agad ang sumalubong sa 'kin at tila wala ng mahahanap na katahimikan sa mundong ito pagkat maging sa bahay ay maingay, hinayaan ko na lang siya't lumamon na lang ng nakahaing ulam.

4v-x. Pansin ko lang sa mga nakapaligid sa akin na ang mundo, sadyang napakaingay at napakagulo, tila di ko masumpungan ang kapayapaan at saan ka man magpunta at kahit sa liblib na lugar pa, di mo pa rin matatakasan ang ingay at gulo, maigi pa ang bingi pagkat mundo nila'y napakatahimik at bulag pagkat di nila masisilayan ang kaguluhan. Ang ikinakabuwisit ko lamang sa pangyayari, ako yung tipong taong tahimik at di palakibo pero kapag minsan magsalita o mag-ingay, sila pa may ganang patahimikin ako't parang wala akong karapatan ilahad kung ano ang nasa loob ko! Di ko batid kung bakit sila ganyan sa ‘kin? Itinulog ko na lamang ang naturang hinanakit at gumaan naman ang kalooban sa aking paggising. Medyo nalalanghap ko na ang di kanais-nais na amoy mula sa katawan at kahit sinisipon, nagawa ko pa rin maligo upang maging malinis sa katawan.

4v-y. Pagkalabas ng banyo'y laking gulat ko at tuwa pagkat biglang nasa bahay na pala sila Ate Wenang at Ate Cecile at di ko inasahan na ngayon pala ang tulak nila galing Mindanao. Bukod sa kanila'y may kasama ring bata na anak ni Ate Cecile at marami-rami muli kaming napasalubungan mula kay Ate Cecile. Habang maraming dalang kwento na naranasan sa Mindanao, kami'y nagsikainan at sa dami ng kinain ay tila di mapuno ang sikmura ko at mukhang di na kakain ng hapunan mamaya. Ang anak naman ni Ate Cecile na kanina'y tahimik, biglang lumikot at kung ano-ano ang bagay na kinakalikot na maski ako'y nagawa niyang harutin. Siyempre bata at sa halip na mabanas sa kakulitan, nakipaglaro na lamang ako sa kanya upang malibang ito.

4v-z. Iba pala ang sayang matatamo kapag may munting anghel sa bahay at nalibang ako sa kanya. Hiling ko lang na magkaroon pa sana ng kapatid na kasing kulit ng bata pero nakakapagbigay saya't aliw sa 'kin, kaso'y mananatiling pangarap na lamang iyon pagkat may edad na si ina upang magsilang muli. Balak ko pa sanang magtungo sa labas upang magkumpyuter muli, kaso sipon ang pumigil sa 'kin at dahil sa sipon, Nahirapan muli ako sa pagtulog kinagabihan at idagdag pa ang malamig na panahon dahil sa maghapong ulan. Tila di ako makakapasok bukas gawa na sumusungit muli ang timpla.



September 10, 2014
Wednesday

Year II-253

4w-a. Matinding sipon muli ang bumasag sa mahimbing kong pagtulog at nahihirapang huminga dahil sa barado na ilong. Kahit panay ang aking pagsinga dahil sa sama ng pakiramdam, di pa rin nito napigilan ang pagpasok ko sa eskwela't isa pa'y magkakaroon kami ng pagsusulit sa General Psychology at Physical Education at di ako pwedeng lumiban. Medyo napaaga naman ang pagtungo ko sa eskwela't madalang pa lamang ang pagdating ng mga estudyante, di muna ako nagtungo sa silid. Alas-siete pasado ng maisipang magtungo sa silid subalit wala pa si Sir Dalope, sinamantala ko ang oras sa pagrerepaso. Hirap naman makapagrepaso ng ayos pagkat malamig sa loob ng silid at ako'y giniginaw pa. Ilang saglit pa'y dumating na si Sir Dalope at nagturo. Sa oras naman ng General Psychology, nagkaroon kami ng retest para sa Midterm period at ng tseking na, di ko ikinagalak ang natamong marka't labis ko iyon ikinadismaya, panay ang aking repaso pero di naman makabingwit ng magandang marka.

4w-b. Sa lamig na umiiral sa silid, lalo pa kong sinipon at tila lalagnatin pa. Tuluyan na ngang sumama ang pakiramdam at sa sama, nawalan na akong ganang kumain pero sinubukan ko pa rin upang lumakas, pagkahipo sa sarili, sinisinat nga ko't habang bakante ang oras, ako'y umidlip. Di naman makapagpahinga ng maayos pagkat panay ang kwentuhan ng mga kasamahan at arung-ungan pa. Lumipas ang ilang sandali, tumungo na kami sa silid at mangatog-ngatog ako sa ginaw sa lamig subalit tiniis ko iyon. Nanood lamang kami ng video hinggil sa pananakop ng Sundalong Hapon sa buong oras ng Social Science.

4w-c. Naging pahirapan sa 'kin ang manood at nawawala ang konsentrasyon pagkat masama ang pakiramdam ko, buti na lamang at di muli natuloy ang pag-uulat namin ni Manelle, kung di masisilayan nila ang paglupasay ko. Pagkalabas ay balak sanang magtungo sa Clinic upang manghingi ng gamot subalit biglang nawala ang sinat ko't bahagyang guminhawa ang pakiramdam. Sa kadahilanang magkakaroon kami ng Midterm exam sa PE, wala kaming ginawa kundi ang magrepaso, di naman makapagrepaso ng ayos pagkat panay ang pagsinga ko't nakakaabala pa sa pag-aaral, itinigil ko na lang ang pagrerepaso at nagpahinga. Maya-maya pa'y PE time na't kasabay nito ang pagsisimula ng pagsusulit, naging madali lamang ang pagsusulit sa PE at umaasang makakakuha ng mataas na marka na sana'y matupad.

4w-d. Kahit man lang sa exam ay bumawi ako upang di lumagapak sapagkat di ako nakakasali ng sayaw. Kaagad na kaming nagsiuwian matapos sagutan ang pagsusulit at habang naglalakad at pagkabukas ng bag, natuklasan ko na di ko pala dala ang supot na naglalaman ng uniporme't T-Shirt at sa takot na makarinig ng mapupusok na salita mula kay ina, tahasan akong bumalik at galak sa dibdib ang namutawi pagkat agad ko iyon nasumpungan. Di pa nga nakakalayo ang sasakyan at sa kamalas-malasang pangyayari, bigla kaming nasiraan ng gulong. Tagal pa naman kumpunihin ng manong driver ang gulong at sa halip na nasa bahay na, nakaupo pa rin kami sa sasakyan na nakatirik, hanggang sa maisipang lumipat na lang. Dahil sa di inasahang pangyayari, nahuli na ako sa pag-uwi't sermon ni ina at ama ang inabot ko. Sa sama ng pakiramdam, agad na akong natulog matapos manood ng panggabing teledrama.



September 11, 2014
Thursday

Year II-254 

4w-e. May mga minuto pa rin na ako'y sinisipon at may pag-ubo pa subalit di na kasing sama ng kahapon ang pakiramdam at kasabay ng bahagyang pagbuti ng pakiramdam ang pagsilip naman ng bukangliwayway na ilang araw ng di nagpapakita't ang pagiging maaliwalas ng panahon ang nagpasigla sa kalooban at nagbigay gana upang pumasok sa eskwelahan. Habang nag-aabang ng masasakyan ay ikiniirita ko ang dalang ng pagdating ng sasakyan patungo sa eskwela't hirap mag-commute kapag walang sariling sasakyan. Tatlong minuto na lang ang nalalabi bago magsimula ang klase kaya dinalian ko na sa pagkilos at pagkarating, ipinabatid sa 'kin ng kamag-aral na kailangan ko ng magtalumpati ngayon at gumuhit agad ang kaba sa dibdib pagkat di ako nakapaghanda. Sa sobrang kaba, napanghihinaan na ko ng loob na magtalumpati sa harapan pero karagdagang puntos sa aming pagsusulit ang nakasalalay kaya labag man sa kalooban, nagtalumpati pa rin ako.

4w-f. Matapos magtalumpati, sa halip na gumaan ang loob, pagkadungo ang naramdaman ko pagkat kung ano-ano ang nasasambit ko pero masaya pa rin pagkat dahil may karagdagang puntos ako, naging mataas ang marka ko sa pagsusulit. Maya-maya'y lumabas na kami, medyo maaga pa bago magsimula ang oras ng English kaya tumambay muna't nakipagwentuhan kay John Ray. Malapit ng sumapit ang Alas-onse ng makapasok sa silid at lundagan sa tuwa ang mga kamag-aral ko pagkat biglang inanunsyo ni Marlou na wala kaming klase sa oras ng English, di nagtagal at ng makapirma sa Attendance ay kaagad na kaming lumabas. Si Erik lamang ang nakasabay ko sa mismong oras ng lunch break at kahit kinakapos na sa kwarta, naisipan pa rin kumain sa Chowking.

4w-g. Matapos kumain at pagkabalik sa eskwela'y saktong nakasalubong namin si Joshua at nagtungo ng Library upang magpalipas ng oras. Medyo nakakabato ang manatili sa library lalo na kung tahimik ang kasamahan at di makausap ng maayos kaya naisipan kong manghiram ng libro at magbasa. Pagkabalik, wala na roon sina Erik at di ko malaman kung saan sila nagtungo. Mag-isa na lamang akong nagtungo sa laboratory at pagkatungo, di pa nagsisimula ang klase sa Chemistry kaya binasa ko muna ang hiniram na libro't nakakalibang magbasa. Maya-maya'y Chemistry time na't very interesting ang Lesson and easy for mepagkat tungkol sa Gas Law ang Topic. Lalo ko tuloy naalala kung paano iyon itinuro ni Sir Sellona't nagkabisado pa nga kami niyan na halos ikaputok na ng bungo ko. Daglian lamang nagturo si Sir Jasper at naging maaga ang dismissal time for Laboratory.

4w-h. Habang Vacant time, naisipan-namin nina Anne Rose na magtungo sa exhibition ng iba't ibang uri ng insekto. Halos kinilabutan kami ng makita ang mga iba't ibang uri ng Gagamba, Alakdan at Ipis at pakiwaring nakakatakot hawakan pagkat baka biglang manipit o mangagat. Tapang ang pinairal sa dibdib at tiwalang di naman mangangagat kaya hinawakan ko ang mga Tarantola. Matapos mag-explore at makahawak ng iba't ibang uri insekto na mukhang makamandag kung pagmamasdan, nagtungo na kami sa silid. Nagkaroon ng Group presentation sa oras muli ng Chemistry at kahit may nag-uulat sa harapan at naroon ang presensiya ni Sir, sa halip na makinig ay panay ang daldalan nila, kami naman itong di makaintindi't saway ng saway.

4w-i. Medyo nauunawaan ko naman ang itinuro nila sa 'min at mukhang magiging madali lamang ang lesson sa Chemistry for final period at sana nga. Ilang saglit pa makalipas, sa wakas at uwian na. Kanina pa dama ang pagkalam ng sikmura kaya diretso hapunan ako pagdating ng bahay.  Matapos kumain, panonood muli ng telebisyon ang inatupag ko. Gawa na di pa dinadalaw ng antok, nakinig muna ng musika at malapit ng sumapit ang hating-gabi ng maisipang matulog. Hindi naman ako makatulog dahil sa maalinsangan ang panahon at idagdag pa ang mga lamok na walang habas sa pamamapak ng dugo.



September 12, 2014
Friday

Year II-255

4w-j. Sa muling pagdilat ng mata, pagdaing agad ni ina ang sumalubong sa 'kin at di ko malaman ang tunay na dahilan. Iyon pala, nanghihina ito't ikinuwento niya sa 'kin kung ano ang naging kalagayan niya. Dahil may karamdaman ang ilaw ng tahanan na hirap kumilos gawa na tinakasan ng lakas, habang di pa dumarating ang haligi ng tahanan ay ako ang umako ng responsibilidad na nakaatang sa kanya. Matapos humigop ng kape, paghuhugas ng gatambak na hugasin ang inatupag ko. Balak sanang maglaba, kaso'y di ko kaagad nasimulan dahil sa pasaway kong kapatid na pilit ibinabangon si ina kahit di ito makabangon dahil sa panghihina, sinaway ko nga. Kahit na may kapansanan ito at sa halip na ibuhos ang pag-unawa sa kanya, labis lamang akong nainis sa kanya pagkat nauubusan na ko ng pasensiya at kung magkataong di makapagtimpi, di ako magdadalawang isip na pagbuhatan siya ng kamay.

4w-k. Kahit di nakakaintindi, pasigaw ko siyang pinagsasabihan pero pilit pa rin ginagalaw si ina at ibig marahil niyang nakikitang kumikilos si ina. Sa inis, di ko na napigilan ang sarili't nabatukan ko siya. Kinalaunan ay natauhan naman ang kapatid ko. Maya-maya'y naglaba na ko't habang nagsasampay ay di ko inasahan ang biglang pagbisita ng kasintahan ng Ate na si Kuya Michael at may dala pang pagkain, tamang-tama pagkat kanina pa kumakalam ang sikmura ko. Sa gutom at takam, itinigil ko muna ang pagsasampay at nagtungo sa kusina. Nanlaki ang bibig ko't lalo pang natatakam pagkat malutong-lutong na manok ang nakahain sa mesa't may mga softdrinks at Ice cream pa. Di na ko nakapaghantay pa't kaagad nilantakan ang Fried Chicken.

4w-l. Sa dami ng nakain, halos di na ko makakilos sa sobrang kabusugan at may natira pang manok sa aking plato subalit di na kinaya pang ubusin. Bukod sa pagkain, may pasalubong rin siyang pabango na mukhang mamahalin at mga magagarang relo, bigtime talaga ang kasintahan ng ate ko't malamang, kapag napangasawa'y tiyak na lalo pang gaganda ang buhay ng ate at nawa maambunan kami. Di na nagtagal pa si Kuya Michael at kaagad na itong nagpaalam. Kahit may unos na nagbabantang manalasa, naging sobrang init ang tanghali at maging ako'y made-dehydrate, katulad ng nangyari kay ina kaya ito nanghina't nawa'y gumaling na siya.

4w-m. Labis kong ipinag-alala ang nangyari sa kanya't nagpapasalamat ako pagkat di siya natigok. Maya-maya at gawa na inaantok na, ako'y natulog at mga Alas-dos pasado nagising. Bago magtungo saComputer shop, isinilong ko muna ang mga sinampay at tiniklop at matapos, ako'y nagtungo na. Tamang chat lang with my friends on Facebook at post ngquotes sa wall pages, sa kasarapang mag-online sa Facebook, malapit ng pumikit ang liwanag ng ako’y makauwi sa bahay. Kinagabihan at matapos maghapunan, panonood ng Telebisyon ang inatupag ko't kita ko ang hirap na ginagawa ni Gabriel sa sarili at sasabog talaga ang kanyang puso dahil nakipagrelasyon siya sa babaeng di naman niya mahal, matuloy lamang ang kanyang paghihigante samantalang kung sino pa yung itinitibok ng kanyang puso, di naman magawang suyuin at nag-aalinlangan pang sabihin ang nararamdaman pagkat natatakot siyang mahulog sa babaeng itinitibok ng puso.

4w-n. Heto naman si Jacqueline na may pagtingin din kay Gabriel, masyadong nagpapakipot at pilit pang itinutulak palayo ang taong mahal niya kahit naghahabol ito. Kung ako sa kanya't nakikita kong may pagnanasa rin sa 'kin ang taong pinagnanasaan ko' lalo na kung may hitsura, di na ko magdadalawang isip na akitin siya. Malay natin, siya na pala ang 'yong Destinytapos pinakawalan mo pa, wala ring napatunguhan ang pag-ibig mo at sa love, di ka dapat namimili ng taong mamahalin pagkat dinikta iyon ng puso mo. Medyo antok na at matapos manood ay diretso tulog na ko.



September 13, 2014
Saturday

Year II-256

4w-o. Nagsaboy na ang liwanag sa labas ng ako'y magising at kaagad na nag-almusal. Dahil sa paparating ang bagyo, naging maulap ang papawirin at nagbabadya pa ngang umulan. Malapit ng mag-ikawalo ng umalis ng bahay at pagdating sa Eskwelahan, mangilan-ngilang kamag-aral pa lamang ang nakikita't di pa kami agad nagtungo sa silid gawa na maaga pa naman. Maya-maya'y pumasok na kami sa silid, dumating na si Sir Arnold, pero tila ang unti namin at ang pagiging kaunti ng bilang namin ang nagpangibabaw sa katahimikan. Ng kalagitnaan ng pagtuturo ni Sir ay saka pa lamang nagsidatingan ang ibang kamag-aral at nasapawan na ang boses ni Sir sa ingay. Sa kada may katunungan si Sir at sa kagustuhang makakuha ng karagdagang puntos ay lakas loob pa ring nagtataas ng kamay, kahit batid ko sa sarili na walang kwenta ang sagot ko. Agad natapos ang pagtuturo ni Sir at maaga kaming pinalabas.

4w-p. Sa oras ng English ay ibinigay na ni Ma'am Mactal ang Ticket, habang namamahagi ng Ticket ay may isang guro ang biglang pumasok at inanunsyo na magkakaroon raw kami ng Evaluation ngayon. Naging pahirapan sa 'kin ang bigyan ng marka ang bawat professor lalo na kung mabait at perfect magturo, sa dami ng mga krayterya na kailangang punan ng mga puntos ay natagalan ako't nanghula-hula na lamang ng ilalagay na puntos. Maya-maya'y lumabas na kami, di pa ko nakakaranas ng gutom kaya sa halip na kumain ay nakipagkwentuhan ako kay Matthew at mukhang magkakasundo kami pagkat nagmula rin siya sa pinagmulan ko, kaso kita ko sa mukha ni Anne Rose ang pagkayamot at tila banas na banas sa 'kin, marahil ay nagseselos pero wala akong balak na sulutin siya pagkat para sa 'kin, di ko ibig ang manira ng relationship at isa pa'y wala akong pagtingin kay Matthew.

4w-q. Nagkamali ako sa 'king iniisip at sadyang wala lang siya sa Mood ngayon, matapos nilang kumain ay nagtungo kami sa Hilltop square at doon nagpalipas ng oras. Nakaligtaan kong may takdang-aralin pala sa Chemistry at di pa nasasagutan kaya hangga't humihinga pa ang oras ay paspasan ako sa pagsagot kaso sa hirap ng World problem, naging manaka-naka ako sa pagsagot. Ilang saglit pa, nagtungo na kami sa Laboratory at ipinagpatuloy sagutan ang assignment habang di pa dumarating si Sir Jasper.  Lalo pa kong na-pressure sa pagsagot na may kasamang pagso-solve ng dumating si Sir Jasper at ng tseking na't di ko pa natatapos, kapit ako sa patalim at nangopya kina Ricklyde.

4w-r. Hindi naman katayugan ang nakuha kong marka't hangga't may pagkakataon, hindi ako magsasawang ipangako sa sarili na babawi. Matapos ang tseking ay nagturo pa si Sir Jasper about Gas Law at kapag naituturo iyon ni Sir, naalala ko si Sir Sellona at may tinanong pa nga siya sa 'min na "Anung problema sa Problem?" at may reward ang makakasagot. Alas-tres ng matapos si Sir sa pagtuturo't naging maaga ang dismissal time subalit nanatili lamang kami sa Laboratory at tamang kuha ng Litrato. Heto naman si Anne Rose, napakaharot at ako pa ang napagdiskitahan sa kanyang kaharutan. Habang hinaharot niya ko, doon ko naalala sila Jessa at Jenny Mae nung naghaharutan kami sa isa't isa na kahit mga dalaga't binata na at yung tipong yamot na ko sa kanila pero di ko magawang magalit dahil masaya. Dahil diyan, lalo ko pa tuloy sila nami-miss at kamusta na kaya sila? Kinalauna'y huminto naman si Anne Rose kaso pumalit si Precious at maging gamit ko, pinagtripan. Para tuloy kaming di College sa pinaggagawa pero okey lang basta masaya at karamihan naman sa kamag-aral ko, di ganun mag-isip.

4w-s. Maging si Sir Jasper, nakipagharutan din sa amin na parang bata kaya lalo pang sumaya. Makalipas ang isang oras at kalahati na puro kakulitan ang inatupag, bumaba na kami patungong silid. Group reporting pa rin sa oras ng Chemistry, kaso di ko sila lubos maunawaan pagkat maingay at sarap batukan ang mga maiingay at mga walang respeto sa nag-uulat, tuloy ay puro saway kami sa halip na itutok ang pandinig sa kanila, di talaga masabihan at nagtiis na lang kami. Ilang saglit pa, sa wakas at uwian na. Malakas na buhos ng ulan ang bumungad sa 'min ng lumabas at nanatili muna sa may registrar. Ng bahagyang humina, kasama si Eric ay saka lamang kami lumakad, kaso walang dalang payong si Eric at sumilong. Medyo matatagalan pa bago tuluyang tumila ang ulan kaya minabuting iwan ko na siya. Pagdating sa bahay, diretso kain ako ng nakahaing ulam sa mesa at matapos ay nanood ng telebisyon. Maganda sana ang palabas sa MMK at nakakakilig pa, kaso sa lakas ng ulan at gawa na di marinig, minabuting patayin na lamang at matulog.



September 14, 2014
Sunday

Year II-257

4w-t. Hindi pa man nagpapakita ang haring araw ng ako'y magising at sa 'king paggising ay nagpapasalamat pa rin sa kabila na di kagandahan minsan ang mga napagdaanan ko't minsa'y masamang ugali ang ipinapakita ko't nagagawa pang magsalita ng di maganda, nariyan pa rin si Lord at di niya ko pinababayaan at dahil sa kanya kaya buhay pa rin ako, ang bait talaga ng Diyos sa atin at di matumbasan ang pagmamahal niya sa ‘kin. Diretso almusal ako pagkabangon, medyo nababato ako ngayong umaga at gusto ko ng gumawa ng bagay na magbibigay ng kahit kaunting aliw sa akin, kaya naisipan kong magpatugtog, hindi naman magawang lakasan pagkat andiyan si Mama at pilit ipinapapatay, di ko batid sa kanya kung bakit di niya tipo ang mga tugtog ko't gusto marahil ay pangmatanda.

4w-u. Hindi pa nga nangangalahati ang oras ng aking pagpapatugtog ay pinatay ko na pagkat biglang dumating si Auntie Andrea at ayaw kong isipin ni Mama na nagyayabang ako't isa pa'y magkukwentuhan sila, napakawalang modo ko naman kung sasapawan ng tugtog ko ang kanilang boses. Nakakainis lang pagkat ako nanaman ang iintindi't masakit sa loob kapag gagawin mo ang isang bagay na labag naman sa iyong kalooban, mapagbigyan mo lang ang kanilang kagustuhan. Upang di lamunin ng pagkabato naisipan kong magkumpyuter at nag-aabang ng malulutong ulam. Ilang saglit pa, oras na upang mananghalian at sinabawang karne na umuusok pa sa init ang naging tanghalian namin, tamang-tama sa tiyan na nanlalamig at panahong maulan. Balak ko sanang gumala at magtungo sa bahay ng kaanak o kaibigan, kaso'y masungit na panahon ang pumigil sa 'kin, nanood na lamang ako ng Video.

4w-v. Halos ikadurog ng puso ko habang nanonood ng Texas Chainsaw Massacre pagkat napakahalang ng kaluluwa ng tao na walang konsensiyang nilalagare ang mga biktima niya na parang kahoy ang turing at nanghihilakbot ako sa mga dugong tumitilansik mula sa katawan nila habang hinihiwa ng lagare. Sa takot, hindi ako makatingin habang ginagawa niya iyon at isa iyon sa pinaka-horror na movie na napanood ko that ever since in my life. Kahit na sa parteng Isabela-Cagayan magla-landfall ang Bagyong Luis at walang nakataas na storm signal ay dama pa rin dito ang bagsik nito at naging masungit ang kalagayan ng panahon hanggang sa sumapit ang gabi.

4w-w. Sa sungit ng panahon, iniisip ko na baka walang pasok bukas pero di ako pasigurado at inabangan ang mga announcement sa radyo. Asa pa ko na masususpinde ang klase sa Kolehiyo pagkat karaniwan sa mga nagdaang suspensyon kapag masungit ang panahon, madalas ay hanggang High School lamang ang sakop ng suspensiyon at ibinibigay na lang sa mga paaralan ang pasya. Marami-rami ng lungsod at Probinsya ang nagsuspinde ng pasok pero wala pa kong nakakalap na anunsyo dito sa Quezon City. Nang si Mayor Herbert na ang nag-anunsyo ay laking tuwa ko pagkat suspendido na ang klase, All Levels. Walang patid ang buhos ng ulan na sinabayan pa ng hangin na siyang nagpalamig ng gabi't nagpasarap ng aming tulog. Di naman makatulog ng ayos sa pangambang umapaw ang ilog at malubog na sa baha pagkagising pero malayong mangyari iyon dito at swerte pa rin kami.


September 15, 2014
Monday
Year II-258

4w-x. Dahil wala muling pasok, di ako maagang nagising at malapit ng mag-ikawalo ng masipang bumangon. Tumila na ang ulan at mukhang sisilip na ang haring araw na siyang aming ipinagpapasalamat at walang masamang nangyari sa buong magdamag. Hindi na bago sa bansang Pilipinas ang dalawin ng bagyo taon-taon at sa oras na dumating ang sakuna, kailangan ay maghanda't mag-ingat upang kapahamaka'y maiwasan. Kung kailan suspendido ang klase, hindi naman masungit ang panahon at tila sisilip na nga ang araw na animoy walang unos na dumaan. Diretso walis at punas ng sahig ang inatupag ko matapos ang gawaing bahay. Matapos magwalis, paghuhugas naman ng plato ang sunod kong pinagkaabalahan na gabundok sa tambak, sa sipag at sigasig sa paghuhugas, wala pa sa trenta minutos ay tapos ko na kaagad. Ng matapos ang gawaing bahay at wala ng maisipang gawin, panonood ng telebisyon ang aking pinagkaabalahan bilang libangan sa sarili.

4w-y. Sa lakas ng hangin na taglay ng nagdaang bagyo't dami ng dalang ulan, maraming lugar sa Hilagang Luzon ang lubhang napinsala't maging mga pangkabuhaya'y di sinanto. Pasalamat na lamang kami't kahit gaano man kasungit ang panahon kagabi, ligtas pa rin kami't walang kagamitan ang nasira. Favorite talaga ng mga bagyong dalawin ang bansang Pilipinas at kahit ilang bagyo pa ang magdaan, di titiklop ang Pilipinas at mananatiling nakatindig. Ang bagyo, parang problema lang iyan sa buhay na dumarating at agad rin namang umaalis. Maya-maya'y nag-Siyesta na ko. Hindi naman ako makatulog ng ayos pagkat ang iingay ng mga batang naglalaro, dala na naparam na ang aking antok, bumangon na ko't naisipang magkumpyuter sa labas. 

4w-z. Hindi naging sulit sa akin ang kaukulang bayad pagkat sadyang usad pagong ang takbo ng Internet at sa kabagala'y ibig kong maging marahas pero di ko nagawa't iniingatan ko ang aking dangal. Iyon pala, ipinabatid ng may-ari na nadiskaril ang Internet connection kaya hirap kaming lahat mag-access, nagpasya na akong mag-log-out at lumipat. Sa isangshop naman, nagagalak naman ako sa bilis ng Internet pero nairita naman ako sa ingay at rinding-rindi na, medyo nasarapan ako sa pag-online on Facebook at nuod ng nakakatawang Parodya sa Youtube kaya inabot na ko ng gabi sa pag-uwi. Diretso tungo ako sa mesa at buklat ng kaldero pagdating ng bahay at sige sa lantak ng nalutong ulam, hangga't may makikita'y sige sa kuha, kaso isinasaalang-alang ang mga kakain pa kaya naghinay-hinay ako. Ng mapuno ang sikmura, panonood naman ng telebisyon ang aking inatupag, bigla nga lang nagloko ang Cable connection kaya natulog na lamang ako.


September 16, 2014
Tuesday
Year II-259

4x-a. Another day muli na walang pasok, kaya anytime na gustong matulog o maglibang ay huwag papipigil, basta't siguraduhing tapos ng gawin ang mga importanteng bagay. Pagkabangon at kain ng agahan, kaagad na akong naghugas ng plato. Ng malinisan ang kaninang nanggigitata sa kapal na sebo na mga hugasin, paglalaba naman ng puting uniporme't pagkukuskos ng puting sapatos ang inatupag ko't halos mangaubos ang aking lakas sa kakakusot at kuskos, manumbalik lamang ang dati nitong kaputian subalit ayos lang basta't may nagawa't di iyon palaging nagpapakasasa sa sarap at nagpapalaki ng binti. Palaging magbanat ng bisig upang buhay ay umigi. Naging napakaaliwalas rin ng panahon kaya tamang pagkakataon upang matuyo agad ang sinampay. Ng matapos na sa mahahalagang gawain, It's time to make fun for myself.

4x-b. Tamang nuod lang ng telebisyon at grabe maligaya muli ang buhay ko dahil kay Ryzza mae na walang sawang nagbibigay aliw kahit mura pa lamang ang edad at sa Baliwan Cinema na walang puknat sa pagpapatawa kahit mukha na silang tinakasan ng bait, kapag may kinakaharap na suliranin at may lungkot na nadarama, sila ang takbuhan at kapag ginawa mo iyon ay tiyak na makakalimutan ang problema't magagawa mo pang ilabas ang ngipin. Diretso Siyesta ako matapos manood ng telebisyon, di muling makatulog ng ayos dahil sa alinsangan ng panahon. Pagkagising at gawa na ako'y nababatong manatili ng bahay, naisipan ko muling magtungo sa Computer shop. Tahimik at ako lamang bukod tanging umuupa kaya sa halip na mapanatag ang loob at makapag-concentrate sa gawain ay tila pagkailang ang naramdaman ko't gusto'y may kasama.

4x-c. Matapos magkumpyuter at sa halip na gumawi pa sa bahay ng kaanak ay diretso uwi na ko. Habang nakaupo ay saktong nakita ko si Aling Cristy kasama ang anak niyang si Ariana na dati kong tinuturuan at may pangiti niyang sinabi sa 'kin na marunong na raw magbasa ang isa niyang anak samantalang si Ariana'y di pa raw nakakabasa't idinagdag pa niya na bumobobo raw, sa halip na matuwa ay nainsulto ako't parang ipinapalabas niya na di ako magaling magturo, kung sa bagay ay di pa naman ako guro at tamang pagbasa, pagbibilang at pagsusulat lamang ang kaya kong ituro subalit di nangangahulugan na may pagkukulang pa rin ako. Sabi nga nila, gaano man kagaling o katalino magturo ang isang guro kung di naman nakikinig ang Estudyante at sinasaisip, useless rin at walang matutunan.

4x-d. Isa pang salik na nakakaapekto sa pagkatuto ng bata ang pagkahumaling sa paglalaro't barkada sapagkat sa halip na pag-aaral ang atupagin ay mas inuuna ang aliw kaysa matuto. Bukod pa roon ay pakikipagrelasyon sa iniibig ng puso't mas prayoridad ang landi kaysa mag-aral. Kaya wala sa guro ang problema kundi nasa Estudyante. Di ko na kasalanan kung bakit hanggang ngayon ay di pa rin marunong magbasa si Ariana. Matapos magpahangin sa labas ay pumasok na ko. Maya-maya'y hapunan na't kanina pa kumakalam ang sikmura, gawa na di pa nagmemeryenda kaya naparami ng pagsubo. Ng makapaghapuna'y panonood muli ng telebisyon ang inatupag ko't marahil ay parte na nga ng buhay ko ang panood ng teledrama. Maya-maya'y dumeretso na ko sa kama at natulog.


100 Isang daang araw na lang ang nalalabi bago sumapit ang Pasko.


September 17, 2014
Wednesday

Year II-260

4x-e. Hindi ako maagang nagising sapagkat ngayong araw kami magkakaroon ng Spiritual Seminar na gaganapin muli sa Auditorium. Malapit ng mag-ikawalo ng makaalis sa bahay at pagkadating, nadatnan ko sina Cathlyn na nakatambay sa may Canteen at nakianib ako sa kanila subalit may mahalaga raw silang pag-uusapan na sila-sila lamang kaya umalis na ko. Ganon pala ako sa kanila, di ipinagkakatiwala kung ano ang inililihim. Malakas ang kutob ko na kaya nila ako pinapaalis dahil ako ang laman ng kanilang usapan pero magkagayon man, malalaman ko pa rin, no secrets will not be revealed. Nagtungo na ko sa silid at pagkarating, nasa may pisara na si Sir Dalope subalit di naman nagtuturo. Ilang saglit pa'y dumako na kami sa Auditorium upang dumalo sa Spiritual Seminar. May kaibahan lamang sa Seminar pagkat tungkol sa pag-ibig ang topic kaya panay ang hiyawan ng mga Estudyante. Dami kong natutuhan sa tagapagsalita na si Miss Gayne at nakakapagbigay ng inspirasyon para sa lahat na kakaiba't patuloy na kinukutsa.

4x-f. Nang si Kuya Noel na ang magsalita sa harapan at ilahad ang tungkol sa kanyang buhay, naawa kami sa naging karanasan niya pagkat namulat siyang kapus-palad. Habang nagkukwento'y hinahaluan niya ng katatawanan kaya panay kami sa pagtawa subalit ng patapos na ang kanyangstory, na-touch kami sa kanyang kwento at naging emosyonal ang karamihan maging ako. Kahit na may samaan kayo ng loob ng iyong tatay, sa huli'y pagmamahalan niyo pa rin ang iiral at iyon ang natutuhan ko sa kwento ni Kuya Noel na hangga't nabubuhay ang magulang o kahit sinong taong di mo pinapansin at palaging napagbubuntunan ng galit ay ipadama natin sa kanya ang pagmamahal. Kung kailan patay na ang isang tao, saka pa lamang natin naiisip kung gaano siya kahalaga’t nagsisi sa nagawa.

4x-g. Tumagal ang Spiritual seminar namin hangang Alas-dose at matapos, kasama sila Eric ay kaagad kaming nagtungo sa Chowking at kumain, medyo kapos ang kwarta kaya di ako kumain. Maya-maya'y nagtungo na kami sa silid, dahil kinain na ng Spiritual seminar ang oras sa Social Science, saglit lamang ang pagkikita namin kay Sir Marvin at agad na lumabas. Saksakan ng init pagkalabas na tila kayang tumupok ng balat sa init nito at sa kamalasan, di ko pala dala ang payong kaya nagdusa ako sa init. Habang Vacant time, tamang kwentuhan lamang kami nina Mondia at maya-maya, ang matino’t masayang usapan ay napunta tungkol sa kung paano sila dumumi. Kahit nakakadiri'y patuloy nilang pinag-usapan iyon at halos maduwal ako pagkat labis ang aking pandidiri. Di ko makayang i-imagine ang pinag-uusapan nila kaya di napigilan ang sarili na magsuka.

4x-h. Naging maalalahanin sa 'kin si Mondia at maaruga ng ako'y magsuka kaya di ko masabi ang tunay na dahilan at nagpanggap na nahihilo. Kunwa-kunwarian ako sa pasuray-suray na paglalakad, maipakita lang na nahihilo talaga subalit di tumagal ang aking pakulo. Naging abala ang halos lahat sa mga kamag-aral ko sa pag-eensayo ng Aerobics dance maliban sa 'ming dalawa ni Hanna't nakakabato. Ilang saglit pa, nagsimula na ang group performance at karamihan, di sabay-sabay at kakikitaang pagod na. Bago pa man lisanin ang Covered Court ay may mahalagang inanunsyo sa amin si Sir Anton at matapos ay umuwi na kami.

4x-i. Labis na ang aking gutom gawa na di pa kumakain kaninang tanghali ay agaran akong nagtungo sa kusina't naghalungkat ng makakain. Hirap ko itayo ang buong katawan sa sobrang kabusugan at matapos ay nanood muli ng telebisyon. Panay ang aking halakhak habang nanonood ng nakakatawang pelikula't parang dinaig pa ang aso't pusa kung mag-away si Jack and Jill at magkasalungat pa ang kasarian. Gawa na wala kaming klase bukas sapagkat manonood ng Theater play na idaraos sa AFP Theater, nagpatumpik-tumpik pa ko sa pagtulog at naisipan munang mag-soundtrip bilang pampaantok. Hirap naman makatulog pagkat ako’y nasasabik sa bukas at sana'y sumapit na.


99 Siyam na pu't siyam na lang bago sumapit ang Pasko.


September 18, 2014
Thursday
Year II-261

4x-j. Wala kaming klase para sa araw na ito kung kaya putok na ang liwanag sa labas ng ako'y nagising at bumangon at may sigla sa dibdib ang agad kong naramdaman kahit kinulang sa oras ng pagtulog pagkat madaling araw ng naidlip. Kahit Alas-dose ang usapan naming magkaklase na magkikita sa mismong tagpuan, Alas-nuebe pa lang ng magpasyang umalis ng bahay pagkat tutungo pa ko sa Eskwela upang bumili ng Workbook sa Filipino at isauli ang libro subalit kung kailan nasa biyahe na ko't malapit ng makarating, nadiskubre ko na nakaligtaang dalhin ang library card at nakakainis lang sa sarili pagkat ang tanga-tanga ko. Tuloy ay di ko maisauli ang libro't halos mapagod ako sa kakabitbit ng makapal at mabigat na libro habang naglalakad. Pagkabili ng workbook at bago magtungo kung saan ang tagpuan, naisipan ko munang lamnan ang kumakalam na sikmura.

4x-k. Malapit ng sumapit ang Alas-onse ng lisanin ko ang paaralan, naging usad pagong ang takbo ng sasakyan kaya malapit ng sumapit ang Ala-una ng makarating sa Farmers subalit di ko pa nadatnan sina Stella, naupo muna't naghintay. Lumipas ang halos isang oras, sa wakas at dumating na si Stella at sumunod naman si Gelo subalit wala pa si Princess, hinintay pa namin ito't ipinabatid nila sa 'kin na nakipag-date raw ito pagkat Monthsary raw ngayon. Malapit ng sumapit ang Alas-tres at kailangang nasa AFP Theater na kami ng ganung oras subalit di pa dumarating si Princess at mukhang mahuhuli kami dahil sa kanya. Naiinip na ko subalit pagkapasensyoso ang pinairal ko.

4x-l. Sumapit na ang ikatlo ng hapon ng makarating si Princess kasama ang kanyang kasintahan at agaran na kaming nagtungo sa Camp Aguinaldo. Pagdating at sa bungad pa lamang, kita ko na ang lawak ng Camp Aguinaldo at open Fieldpa, kaso sindak sa dibdib ang naramdaman ko pagkapasok sa dami ng mga naglalakad na Sundalo na may hawak na baril at konting pagkakamali mo lang, kalabit agad ng baril ang aabutin. Nagsimula na ang Theater play pagkapasok sa AFP Theater at di hamak na mas maliit at kakaunti ang upuan kung ikukumpara sa mga sinehan ng SM.

4x-m. Nahalina ako sa ganda at linaw ng boses ng mga nagsisipag-ganap habang umaawit at ang huhusay pa ng kanilang pag-akto. Sa kinam ng boses at habang nakapikit ka, aakalain mong pang-Lea Salonga pagkat mala-broadway ang tinig at bukod pa dun, ang kisig pa ng prince charming ni Anastacia kaya itong siGelo, parang walang kapaguran sa kakatili't dinaig pa ang babae, nairita ako sa kanya pagkat sadyang napakaligalig niya. Tumagal lamang ng mahigit sa isang oras ang Theater play at kakabitin. Todo anyaya sa 'kin sina Mondia na gumala pa sa Gateway at Alimall matapos ang play subalit dumidilim na ang kalangitan kaya di na ko sumama sa kanila. Bago lumabas ng Camp, nag-selfie muna kami at matapos ay nagtungo sa Alimall upang kumain.

4x-n. Saktong naroroon sila Anne Rose na kumakain pagkarating doon subalit tapos na sila't agad naman umalis. Matapos kumain sa Jolibee sa may Alimall, di na kami nagpatumpik pa sa pag-uwi subalit malakas na buhos ng ulan ang sumalubong sa aming paglabas at naging pahirapan pa ang humanap ng masasakyan. Sobrang lakas talaga ng ulan. Gabing-gabi na subalit wala pa rin kaming masakyan, tuloy ay mistulan ng basang sisiw. Malapit ng mag-ikawalo ng makasakay kami. Buti na lamang at tumila ang ulan pagkababa ko sa may Sandigan. Di pa nga nakakabangon ang Pilipinas mula sa hagupit ng Bagyong Luis, may panibagong Bagyong pinangalanang Mario nanaman ang darating at nagbabantang manalasa sa lupa. Basang-basa akong dumating sa bahay at halos ginawin kaya diretso higop ng mainit na kape. Naging maulan ang gabi subalit di naman kalakasan na siyang nagpasarap sa aming tulog.


98 Siyam na pu’t walong araw na lang, bago sumapit ang Pasko.


September 19, 2014
Friday

Year II-262

4x-o. Dakong Alas-dos ng madaling araw ng ako'y magising at magulantang dahil sa lakas ng kulog, ilang saglit pa'y bumuhos na ang napakalakas na ulan na sinabayan pa ng hangin. Hindi na ko makatulog at nagmasid sa kapaligiran. Ang lalakas ng Kulog at kidlat kaya todo takip ako ng teynga sa takot, nag-zero visibility na ang kapaligiran dahil sa lakas ng ulan at kung magkataong magtuloy-tuloy, baha nanaman ang aabutin. Natulog muli ako ng bahagyang humina ang ulan at mga Alas-siete na nagising, animoy gabi sa labas sa dilim ng kalangitan at walang puknat ang pagbuhos ng ulan. Dahil sa lakas ng ulan na dala ng Bagyong Mario, lahat ng antas ay suspendido na ang klase subalit balewala pagkat nataon pa sa mismong araw na wala kaming pasok. Bukod sa suspendido ang klase, mataas na rin ang tubig sa Marikina River at marami ng lugar ang lubhang nalubog sa baha.

4x-p. Sumapit na ang ikawalo ng umaga na inaasahang darating sila Papa at Ate subalit di nangyari't iniisip na baka napaano na sila ngayong kasagsagan ng bagyo. Wala talagang humpay ang malakas na buhos ng ulan at gawa na nababatong nakaupo lang at pinagmamasdan ang buhos ng ulan, naisipan kong lumabas. Pagdako ko sa may Ison Site, di akalain na abot hanggang hita na ang taas ng baha na dati'y di naman binabaha kapag malakas ang ulan o kahit nung manalasa ang Bagyong Ondoy. Sa taas ng baha, napigtal tuloy ang aking tsinelas at nahirapan ng lumusong kaya naisipang umuwi na lang. Habang papauwi'y biglang humampas ang malakas na hangin na may kasamang ulan, kaya halos mabuwal ako sa 'king kinalalagyan at bumaligtad ang hawak na payong, takang-taka ako kung bakit ganon na lamang kataas ang tubig baha, iyon pala'y sinaraduhan pala ng barangay ang daluyan ng tubig patungong sapa upang sa ganon daw ay di agad tumaas ang tubig at di bahain ang taga-Recrap, subalit palyado naman ang kanilang naging hakbang pagkat sa halip na makaiwas sa sakuna, nagdulot lamang ito ng panibagong perwisyo sa mga dumadaan at mga nakatira.

4x-q. Saka pa lamang dumating si Papa maging si Ate kung kailan malapit ng mag-tanghali, kaya ang kalooban nami'y napanatag. Pagkabukas at nuod ng telebisyon, grabe na ang sitwasyon sa iba't ibang lugar dito sa Pilipinas, marami ng highway tulad ng Espanya ang di na madaanan dahil sa taas ng baha at bubong na lang ang masisilayan sa mga binahang lugar. Ang lokal na pamahalaan naman at Rescue team, puspusan sa paglilikas sa mga residente habang di pa nalulubog sa baha. Napakarami ng ulan ang ibinuhos ng bagyo at nawa'y tumila na. Dahil sa napakasungit na panahon na mukhang matatagalan hanggang bukas, mukhang di na matutuloy ang Family bonding namin upang idaos ang kaarawan ng ate ko.

4x-r. Kung nagtataglay lamang ako ng natatanging kakayahan, magagawa kong kontrolin ang pag-uugali ng panahon. Bukod sa napakalakas na ulan, mga bandang Alas-dose ng lalo pang maramdaman ang malakas na hangin at bayong-bayo na kami ng Bagyo. Sa lakas ng hangin, halos mamaluktot sa ginaw at kay sarap matulog. Nakakatamad tuloy maligo pagkat malamig subalit masangsang na ang aking amoy kaya itinuloy ko ang paliligo. Bahagya naman humina ang ulan maging ang hangin pagsapit ng takip-silim, nagpapasalamat kami sapagkat sa kabila na mapanganib ang lagay ng panahon, walang ni isa ang napahamak at swerte namin pagkat walang bahang tumungtong sa tahanan.


97 Siyam na pu't pitong araw na lang at sana’y ito na ang huling unos na manalasa sa bansa upang ang Pasko’y maging maligaya.


September 20, 2014
Saturday
Year II-263

4x-s. Tumila na rin sa wakas ang malakas na buhos ng ulan at mukhang matutuloy na nga ang balak naming magpapamilya ngayong weekend at iyon ay Family Bonding upang idaos ang kaarawan ng aking kapatid. Kahit na di pa lubusang magkasundo dahil sa nangyaring hidwaan, ilang buwan na ang nakakaraa'y nanatili pa rin ang pagmamahal ko sa kanya't umaasa akong ni katiting na pag-ibig ay maiaalay niya sa 'kin bilang nakakabatang kapatid. Balak ko sana siyang batiin sa unang kita ko pa lamang subalit napatikom ang bibig ko dahil sa hiya. Bukod sa 'ming magpapamilya'y may nadagdag pang makikisalo sa 'ming makasaysayan at maligayang Family bonding at iyon ay si Ate Cecile na buhat pa sa Cagayan at may dala muling iba't ibang pasalubong na siyang nagpatingkad sa 'king tingin at labis na nabusog ang umaga ko sa dami ng nalantakang pasalubong.

4x-t. Matapos kumain, gawaing bahay ang inatupag ko't pakitang sipag kay Ate Cecile. Kahit napakababaw lamang ng kanyang papuri, tumaba ng husto ang aking puso't sarap dinggin. Bago kami magtungo sa SM Megamall, napiling lugar kung saan idaraos ang kaarawan ni Ate Leslie, naisipan munang manood ng Video na pinamagatang Pitch Perfect at labis kong ikinahalina ang husay ng pag-produce sa pelikula't kasing tinis ng kumikinam na ginto ang boses ng mga mang-aawit. Mga dakong Ala-una ng lisanin naming lahat ang tahanan at pagkarating sa SM Megamall, hindi ko maiwasang maibuka ng pagkalaki-laki ang bibig at idilat ng todo ang mga mata sa lawak at riktan ng Mall at kahit isang taon ka lumibot, di mo malilibot ang buong loob nito. Pagpasok naman, naglalakihang Shopping center na naglalaman ng mamahaling bilihin ang bumungad sa 'min at animoy mga sosyal ang bumibili't maging ang mga namamasyal.

4x-u. Ang sahig naman, napakagarbo't konting hakbang mo lang, tila madudulas ka sa kinis at kintab nito, ang kanilang kasuotan, napakadisente't pobreng pagmasdan. Marahil ay isa ang SM Megamall sa pinakasupistikadang mall bukod sa pinakamalawak dito sa Pilipinas. Grabe, ngayon lang ako nakapunta sa ganong kasusyal na Mall at kahit pagsamahin ang lawak ng SM Fairview at North EDSA, di pa rin mahihigitan ang lawak nito. Sa totoo lang ay di ko maawat ang mata na ipihit kung saan-saan habang naglalakad patungong Restaurant. Pagkatungo, di ko akalain na sa ganung mamahaling Restaurant pala kami kakain mamaya na Vikings at wala akong ibang bukambibig kundi bumigkas ng “Susyal" at pakiwaring ang yaman yaman namin. Alas-singko pa magsisimula ang Dinner Time at upang di mapanis ang laway at maging bukbukin sa kakahintay, naisipan namin ni Ate na Gumala.

4x-v. Habang magkasama kami, nasa dulo na ng dila ko ang katagang "Happy Birthday" subalit pilit itong umuurong at sa totoo lang ay hiyang-hiya ako sa mga nasabi ko sa kanya. Kung di lang ako pinangunahan ng galit at nagawa pang magtimpi, di sana kami ganito ngayon. Habang lumalakad ay ang unti-unting panunumbalik ng dati naming pagsasamahan at nawa'y di na muli pang sumiklab ang away. Tulungan nawa ako ng maykapal na patatagin ang aking kalooban sa mga bagay na makakaapekto nito. Maya-maya'y bumalik na kami't makalipas ang mahigit sa tatlong oras na paghihintay, sa wakas ay dinner time na't nagugutom na ko sa sobrang pananabik. Nadagdagan muli kami ng makakasalo sa kainan ng dumating si Kuya Michael at kakikitaang napaka-sweet ng lambingan nilang dalawa.

4x-w. May kaibahan lamang sa Restaurant pagkat di maghahain ang mga serbidor at ikaw mismo kukuha kung ano ang ibig kainin. Abot langit ang tuwa sa dibdib pagkat lahat ng pagkaing di ko pa natitikman sa tana ng buhay, malalasap na't iba't ibang putaheng banyaga ang nakahain sa mesa. Sa tindi ng gutom, di ako naging mahinay sa pagbanat at kahit busog na, hangga't may makikita'y sige ako sa pagkuha't subo ng walang hiya-hiya at Wow, dami pa lang mapagpipiliang pagkain at kay sasarap kung pagmamasdan. Minsan lang ito mangyari sa buhay, kaya sinusulit ko na. Halos pumutok na ang sikmura ko sa dami ng nakain at halo-halo na nga sa katunayan. 

4x-x. Matapos kumain at kahit di palainom ng alak, di ako nakahinde ng alukin na lagukin ito at kahit kakarampot lamang, suko na ko. Tamang kuha lang kami ng litrato mag-aanak at maya-maya'y kinantahan na ang ng mga Waiter ate ko sabay bati. Kahit di ko kaarawan, isa ang araw na ito sa di ko malilimutan dahil sa mga pagkaing ngayon ko lang nalasahan at sarap alalahanin. Kaso bawal ang take-out at magtira. Malapit ng mag-ikasiyam ng maisipan na naming umuwi't pagkababa, sa kamalas-malasang pangyayari'y biglang bumuhos ang ulan at di kami nakapagdala ng payong kaya dali-dali kami sa pagkilos, makahanap lang ng masisilungan. Hirap na nga ako makakilos dahil sa kabusugan at mukhang magkakaroon pa ng LBM. Pagdako sa lugar namin, rumaragasa muli ang baha na siyang nagpahirap sa pag-andar ng sinasakyan pero tumila naman ang ulan. Di muna ako agad natulog sa takot na bangungutin pero sa antok at pagod, di ko na napigilang pumikit.


96 Siyam na pu't anim na araw na lang bago sumapit ang Pasko.


September 21, 2014
Sunday
Year II-264

4x-y. Anung ganda sa pakiramdam ang agad na namayani sa muli kong pagdilat na tila hinudyat na may magandang mangyayari't nawa'y magkatoo nga, hindi ko batid sa sarili kung bakit ganito ang naramdaman ko o marahil ay bakas pa rin sa dibdib ang nagdaang kahapon. Lumipas na ang panibagong araw at nakatulog na ng mahimbing subalit di ako makapag-almusal pagkat nanatili pa rin ang kabusugan at di mawari na masiba pala akong kumain. Siyempre, sino ba naman ang mapipigilan sa ganong kasarap at kasusyal na pagkain na iyong makikita't wala ka ng pake kung anong isipin at sabihin ng iba, basta malasap mo lang ang pagkain. Inaasahan ko na anumang oras ay maari ng sumakit ang tiyan subalit di nangyari at tila maayos pa naman ang lagay.

4x-z. Kung kailan abala kami ni Ate Cecile sa pagkukwentuhan, saka pa lamang nakaramdam ng pananakit ng sikmura at napakaraming sama ng laman akong nailabas. May konting ginhawa matapos magpamalas subalit umulit nanaman at tila iyan na nga ang pinangangambahan ko. Kahit paano'y di naman nagtuloy-tuloy. Maya-maya'y sinimulan ko ng gawin ang takdang-aralin sa Filipino at kahit Tagalog, nahirapan akong bumuo ng isasagot na pangungusap at ang lalalim ng talata. Matapos sumagot, ako'y nagkumpyuter at sadyang kay bilis ng oras pagkat wala akong kamalay-malay na tanghaling tapat na. Gawa na walang maisipang gawin buong maghapon, ako'y nagbasa't kahit hirap pa rin umintindi dahil sa purol ng kukote, nagagawa ko pa rin malibang at may mahahanap na aliw kahit magbasa ka lamang, medyo na-touch lang ako ng huling bahagi na ng kwento.

4y-a. Simula na ng Psychology week bukas kaya ang galak sa dibdib, di ko na maitago pagkat wala kami halos klase sa isang buong linggo't puro eventslang. Balak sanang lumahok sa mga patimpalak subalit wala ng sapat na panahon upang makapaghanda't hanggang nuod muna ako. Kahit di ako nagdududa sa kakayahang aking taglay, may bagay talagang pumipigil sa 'king balakin at iyon pa ang humahadlang. Bago matulog, nakinig muna ako ng musika. Kung ano pa yung awiting di kaaya-aya ang komposisyon at tono, iyon pa ang nakakapukaw ng damdamin dahil sa hatid nitong mensahe at parang pagbabasa lang ang pakikinig ng musika, kailangan unawain mo rin kung ano ang nilalaman nito, di iyon kung ano ang magaganda sa pandinig, iyon parati ang pakikinggan pero ang di natin alam, pangit ang mensahe nito't nakakarumi at maihahalintulad rin ang kanta sa panglabas at loob na anyo ng tao pagkat di natin masasabi na ang magaganda'y mababait at ang di pinagpala ay masasama. Malapit ng gumitna ang gabi ng ako'y makatulog.


95 Siyam na pu't limang araw na lang bago sumapit ang Pasko.



September 22, 2014
Monday
Year II-265

4y-b. Sumapit na ang ikalima ng umaga ng ako'y magising. Ngayong araw ang pagsisimula ng Psychology week at dahil wala kaming klase sa anumang asignatura ngayon maliban lamang sa Social Science at manonod ng Film, nagpasya na kong lumiban. Matapos mag-agahan, ipinagpatuloy kong sagutan ang Workbook sa Filipino, sa dami ng kailangang sagutan, mukhang di ko marahil ito matatapos. Mga bandang Alas-onse na ng magtungo ako sa unibersidad at dumeretso agad ako sa Library upang isauli ang libro, kaba na agad ang naramdaman ko sa napipintong pagsasalita ng Librarian tungkol sa kaukulang penalty na ipapataw pagkat overdue na ko. Ang kaninang kabang-kaba, napalitan ng may kapanatagan pagkat ipinabatid sa 'kin na pwedeng hulugan. Saktong nakita ko sina Marlou ng ako'y nasa Library at nagtanong. Sasabay sana ako sa kanila subalit agad naman umalis.

4y-c. Pagkapasok sa silid, nasa pisara na si Sir Marvin at biglang takot ko pagkat iba ang tingin niya sa 'kin, iyon pala nabalitaan ni Sir na nagtanong raw ako kina Marlou kung may klase ba sa Social Science at di ko akalain na masisita ako ni Sir ng ganun-ganon subalit di naman nagtagal, pagkainis ang naramdaman ko kay Marloupagkat napakatabil ng dila, ayaw ko ng gulo kaya pinalagpas ko na't huwag siya ulit magkamali ng sasabihin. Nagturo lamang si Sir Marvin at matapos ay dismissal time na. Balak pa sanang dumalo ng seminar subalit ipinabatid ng presidenteng napakatabil ng dila na di naman daw iyon recquired. Umuwi na lamang kami subalit ayaw ko pang umuwi at naisipang magtungo sa Megamall. Pagkabilang ng kwarta't sa tingin na kukulangin sa pamasahe, biglang nagbago ang isip ko't todo kumbinsi sila Eric na huwag na raw ako tumuloy.

4y-d. Sa bilis ng takbo ng bus, lumampas tuloy ako ng Sandigan at sa may Ever Gotesco mall na bumaba, sa halip na makakatipid na'y kinailangan ko muling mamasahe, marahil ay sinadya ng driverna imaneho ng mabilis ang Bus upang di agad ako makababa't pagbabago ng pasya ko ang naging dahilan. Di muna ako dumeretso sa bahay at nagkumpyuter pa. Matapos magkumpyuter, saka ko pa lamang naisipang umuwi't medyo bagsak na ang mata kaya diretso tulog na ako. Madilim-dilim na sa labas ng ako'y nagising at pagtutok agad sa telebisyon ang inatupag ko. Sa panahon ngayon na mukhang napakapeligroso na, kailangan na talagang mag-ingat pagkat talamak na ang nakawan at Holdap. Kapag kayo'y talaga aalis dapat naka-lock ang pintuan maging ang gate upang di agad makapasok ang manloloob at mas maigi'y may CCTV camera para in case na mangyari iyon, malalaman agad kung sino ang salarin. Buti na lamang at may CCTV Camera ng sa ganon ay madaling mahuli ang masasamang loob. Medyo di pa antok ang diwa kaya naisipan ko muling makinig ng musika.


94 Siyam na pu't apat na araw na lang bago magpasko.



September 23, 2014
Tuesday

Year II-266

4y-e. Mataas na ang sikat ng araw sa labas at nakakapaso na sa balat ang init nito ng ako'y dumilat at nagpapasalamat ako para sa umagang ito sapagkat panibagong araw muli ang napasaking kamay at patuloy na ginagabayan ng Panginoon. Sa kabila na hindi kagandahan ang mga naipakita ko dito sa mundong ibabaw, hindi niya ako pinababayaan. Ibig ko ng baguhin ang maling gawi subalit tila mahirap sa 'kin upang gawin iyon at nangangailangan pa ng ilang panahon. Bakit pa ako nasanay sa ganung gawain, madali ngang maging tao pero ang hirap magpakatao. Medyo di pa nakakaramdam ng gutom at sa katunaya'y kumukulo pa nga ang sikmura't dali-daling napatungo sa banyo, masamang hangin lang pala't halos ikaliyo ko ang saksakang sang-sang na amoy.

4y-f. Nakailang ulit na kong balik sa banyo't di ko batid kung anung nakapag-usbong sa akin sikmura. Huminto naman ang LBM ko kinalaunan. Medyo Batong-bato kapag ang paa'y walang puknat sa kakakuyakoy kung kaya nagwalis-walis ako at nagpunas. Naging napakaganda ng lagay ng panahon ngunit matutusta ka naman pag lumabas lalo na nung tanghaling tapat na mala-pugon ang init. Matapos kumain ng tanghalian, takdang-aralin sa Mathematics ang aking napagkaabalahan. Kahit may angking galing ang utak pagdating sa Matematika, naging mabagal ako sa pagsagot at halos mabuwang na sa kakaintindi ng worded problem na masyadong logical at nangangailangan na matalas ang isip upang masagutan. Medyo nakakaramdam na ng antok at dagliang nag-Siyesta.

4y-g. Pagkagising ay ipinagpatuloy kong gawin ang takdang-aralin sa Math, pero bago iyan ay nag-meryenda muna ako ng pinamiling pagkain ni ina sa Grocery bilang pampagana. Nang maumay sa meryenda't matapos ay diretso gawa na ko ng assignment sa Math at dapit-hapon ko na natapos sa wakas. Iba na ang hirap ng buhay na 'yong matatamo kapag tumungtong sa kolehiyo't di pupwede ang maghintay na lamang ng malalaglag na bunga habang nakahiga. Walang maisipang gawin at nababagot ako ng husto, nagbasa na lamang ng Study book sa halip na pipitsuging pocket book, di baleng tumirik ang mata't kumunot ang noo sa kakaintindi ng babasahin, may kaalaman namang nasasagap. Medyo masarap rin ang magbasa paminsan-minsan.

4y-h. Maya-maya pa, hapunan na't labis ang aking gutom dahil sa pagbabasa't napasubo ng marami. Habang sarap ang mata sa kakapanood ng paboritong teledrama ay bigla ko naulinig at ikinagulantang ang di pangkaraniwang tunog at yanig ang kapaligiran sa lakas, nakulog pala kaya diretso pasok sa kwarto't may takot akong nagtalukbong. Habang pagal na pagal sa labis na pagkasindak, biglang kumidlat ng pagkaliwaliwanag subalit mabilis at sinundan pa ng malagranadang lakas ng kulog, lalo pa tuloy akong natakot at gulantang na gulantang. Akala ko mawawakasan na ang alinsangang aming dinadanas, di pala't puro pagkulog-kidlat lang ang pangyayari. Ipinagpatuloy ko ang panonood ng programa ng magwakas ang Thunderstorm at maya-maya'y natulog na.


100 | 93 Siyam na pu’t tatlong araw na lang, bago sumapit ang Pasko.


September 24, 2014
Wednesday

Year II-267

4y-i. Hirap pang idilat ang mga mata ng buti dahil sa antok subalit di ako naging makupad sa pagbangon at nag-agahan. Kahit di pa sumasapit ang panahon ng kapaskuhan, napapansin ko na lumalamig na ang simoy ng hangin nitong mga huling araw maging ngayon at kakatamad maligo. Malapit ng mag-ikawalo ng ako'y umalis at pagdating sa Eskwela, kaharutan ni Anne Rose agad ang sumalubong sa 'kin. Sa halip na itaboy ay nagawa ko pang makipagkulitan na mistulang paslit at sarap sariwain ang mga naganap dati. Naroon na si Sir Dalope pagkapasok at nagturo, bago umalis si Sir Dalope, inanunsyo niya ang tungkol sa magiging Project namin at sina Anne Rose ang napili kong kapangkat. Matapos ang Announcement ni Sir Dalope, tumungo naman ang presidente sa harapan at may mahalagang inanunsyo. Sinabi ni Marlou na walang klase sa oras ng General Psychology pagkat manonood daw ng Film Showing, kung kailan nasa labas na't patungo ng Auditorium ay biglang sinabi ni Marlou na di raw matutuloy ang Film.

4y-j. Nakakainis ang presidente namin pagkat pinapunta lang kami sa wala't sabi ng sabi ng walang kasiguruhan. Kahit na di ko ibig na kumain sa Chowking sa kadahilanang butas ang bulsa panay ang pangungulit ni Eric na sumama sa Chowking, di ko naman ibig biguin ang kanyang kagustuhan at masira ang pagkakaibigan kaya di na ko nakahinde pa. Kaso siya nga lang kumain pagkat ako'y kapos na kapos. Dahil walang klase sa General psychology, mahigit sa dalawang oras ang naging Vacant time, naisipan muna namin magkumpyuter. Balak sanang manood ng pageant ng aming pambato na si Gelo pagkat I Think maraming nagkikisigang kalalakihan, may kamahalan nga lang ang ticket at kapos na kapos ang pera kaya di ako makabili ng Ticket. Maya-maya pa'y nagtungo na kami sa silid.

4y-k. Sa oras ng Social Science, nagkaroon lamang ng Group Report, nakakabilib ang naging dayalog ni Clark Haven at di ako makakapaniwala na makakabisado niya ang lahat ng kanyang sasabihin in English, nadiskubre ko nga lang na may binabasa siya kinalaunan. Bago umalis, nag-usap muna kaming magkakapangkat tungkol sa isasagawang Performance, maya-maya'y lumabas na kami't pagdating, malabagyong lakas ng ulan ang sumalubong sa amin, nanatili muna kami't hinintay na tumila. Ng bahagyang humina ang ulan, saka pa lamang ako gumawi pauwi. Habang naglalakad ay biglang sumabay sa 'kin si Colene, di ko siya ibig makasama nun pagkat dinaig pa ang barako kung makaasta at iba ang impresyon ko kapag kasama ang ganung tao kaya todo-iwas ako sa kanya, pero nagkamali ako sa aking akala't mabait pala ito, sa katunaya'y masaya siyang kausap at kasama at labis akong na-entertain. 

4y-l. Kung anong ugali ang di mo inaasahan, basta-basta mo na lang makikita sa kanya. Gawa na masayang kasama si Colene at hindi ko pa ibig umuwi kaya nagpasyang samahan ito hanggang sa kanilang bahay, tuloy ang kwentuhan namin habang nasa sasakyan at parang gusto ko siyang kaibiganin. Pagdating sa kanilang bahay, ipinakilala ako ni Colene sa kanyang nag-iisang kapatid at sa mga kasamahan maging sa kanyang kasintahan. May pagkarakista sa pananamit ang kasintahan niyang nagngangalang Beng Beng pero mabait at di palakibo. Kung gaanong kaastig at angas kumilos si Colene kapag sa eskwela, ganon naman kabusilak ang puso kapag nasa tahanan at parang di siya ang kaharap ko.

4y-m. Nakinuod muna ako sa kanila ng Video at maya-maya, may dala-dala silang bata't laking gulat ko na anak pala iyon ni Colene. Kahit napakakulit ng bata, nakakatuwa't nag-enjoy ako sa kanya. Ilang sandali pa'y kumain na kami't mismong si Colene pa ang naghain at napaka-hospitalityniya. Maging sa kagamitan niya, makikitang napakaayos at mas masinop pa siya kaysa sa 'kin na siyang ikinaiingit ko. Mga dakong Alas-singko ng kinailangan ko ng magpaalam sa kanila, bago ako umuwi, ipinakilala muna ako ni Colene sa Magulang at kapatid ni Beng Beng at nag-demand pa ang Colene na magmano ako sa kanila, nagmano pa rin ako kahit di ko sila kaano-ano.

4y-n. Habang nasa jeep ay di ko lubos akalain na kakaunti na lang ang laman ng pitaka ko't tila kukulangin sa pamasahe sa Tricycle. Magpapahatid sana ako kay manong Driver hanggang bahay upang makapagbayad ng buo, siya ang mahirap kausap at humingi ako ng paumanhin pagkat kulang ang ibinayad ko. Sa halip na ikonsidera ang paghingi ko ng paumanhin, nagtapang pa siya't kung ano-ano ang nasasambit, tuloy ay uminit ang ulo ko't di ko napigilan ang sarili na sagutin siya. Sinabi pa niyang hindi raw ako nagbabayad ng tama kaya nadagdagan pa ang poot ko. Ikinuwento ko kila Mama ang tungkol sa nangyari sa kanina't sa halip na ako ang panigan, parang ipinapalabas nila na ako pa ang mali samantalang ginawa ko lang naman kung anong sa palagay ay tamang paraan. Di na lamang ako nagsalita't hinayaan sila sa diskusyon. Medyo hapong-hapo na ang katawan ko kaya diretso tulog sa kama matapos manood ng Telebisyon.


September 25, 2014
Thursday

Year II-268

4y-o. Laganap na ang liwanag sa labas ng ako'y nagising at di pa rin mawaglit sa isipan ang nangyari sa 'kin kahapon. Hindi ko alam ang gagawin kapag nagkita kami't labis niya akong hinusgahan, huwag na lang sana magkita't baka di ako makapagpigil. Pinigil ko na lang ang emosyon. Pagdating sa eskwelahan, wala pa sa silid si Sir Arnold at kakaunti pa lamang ang kamag-aral kong naroroon. Mistulang Divisoria na ang loob ng silid ng kami'y dumami't what is new? Ilang saglit pa'y dumating na si Sir Arnold. Nagkaroon kami ng palarong lohika't sa bawat simbolo o teksto na ipapakita ni Sir ay huhulaan namin kung anong ibig sabihin. Dahil sa may dinaramdam ako, hindi ko mapagana ang aking utak at makapag-isip ng lalim. Medyo naiirita lamang ako kay Marlou pagkat masyadong pabida't may gana pang tarayan ako ng ako'y magtanong, nasaktan ako sa ginawa niya pagkat mabuti naman ang ipinapakita ko sa kanya pero bakit ganon ang pakikitungo sa akin.

4y-p. Sa huli, grupo nila Manelle ang nanalo't wala kasing pagkakaisa ang kagrupo ko sa totoo lang, gusto ng isa'y siya lang masusunod at di marunong makinig. Iyan ang hirap sa mga taong walang ginawa kundi magbida, nadadapa naman sa huli. Nang English time na at habang wala pa si Ma'am Mactal, lahat ng sama ng loob ko kay Marlou ibinuhos kay John Ray at nagpayo matapos kong magsalita, sa totoo lang ay iba ang pakiramdam ko kay Marlou at pinipilit ang sarili na pakisamahan siya kapag Filipino time at Groupings. Naliwanagan naman ako sa sinabi ni John Ray kaso di natapos pagkat may guro na kami't kailangan ng bumalik sa tamang upuan. May sinabi pa si Ma'am Mactal bago magsimulang magturo't maya-maya'y nagturo na siya. 

4y-q. Psychology week ngayon at walang klase sa Chemistry pagkat hiniram ang oras upang manonood ng Singing Competition, nagpasya na kong umuwi't ilaan ang oras sa paggawa ng Project sa Social Science. Di muna ako diretso tungo sa tahanan at pinagkaabalahan ang paggawa ngProject sa Social Science. Medyo kinapos lamang sa oras at walang sapat na pera kaya malabo ko iyong natapos. Paglabas sa Computer shop, malakas na buhos ng ulan ang sumalubong sa 'kin at matatagalan pa pagkat napakadilim ng kalangitan. Inaantok na ko't gusto ng umuwi kaya kahit malakas ang ulan, sinagupa ko, makarating lang sa bahay. Kumain muna ako at pagkatapos ay diretso hilata ako sa kama. Malapit ng dumilim ng ako'y nagising at malapit na rin maghapunan. Medyo busog pa kaya di ako gasinong kumain ng marami. May ensayo pa kami bukas para sa report kaya maaga akong natulog.


98 | 91 Siyam na pu't isang araw na lang at Pasko na



September 26, 2014
Friday

Year II-269

4y-r. Ikalimang anibersaryo ng pananalasa ng Bagyong Ondoy. Ang tindi ng Bagyo nun at kahit di kalakasan ang dalang hangin at itinuturing na Tropical Storm lamang, marami pa rin ari-arian ang nawasak at buhay na nasayang dahil sa dami ng ulang dala nito. Sariwa pa sa 'king isipan na halos mataranta na kami't dali-daling itinaas ang mga kagamitan sa kisame sa takot na mabasa kapag inabot ng baha. Sa tana ng buhay ko, masasabing ang Bagyong Ondoy ang pinakamaraming ulan na naibuhos na nagpalubog sa halos buong Kamaynilaan maging sa karatig probinsya at isa sa pinakamatinding unos na dumagok sa aming buhay at di ko malilimutan ang araw na iyon. Alas-sais pa lang ng ako'y magising at dahil kailangan bago mag-ikawalo'y naroroon na, dinalian ko na sa pagkilos subalit di ko sila nadatnan pagkatungo sa unibersidad, naghintay muna ako, nagbabakasakaling dumating pa sila.

4y-s. Lumipas na ang halos isang oras subalit di pa sila dumarating, nagpasyang umalis na lang at naghintay lamang ako sa wala. Hindi ko pa ibig talagang umuwi't sa takot na rin na mapagalitan ni ina dahil sa nasayang lamang ang pagpunta ko, naisipan kong magtungo sa bahay nina Anne Rose. Batid kong sa Jordan Plains sila naninirahan subalit di ko batid ang eksaktong lokasyon nila kaya nagtanong-tanong ako't ipinakita ang kanyang larawan. Maraming tao na ang napagtanungan ko subalit walang nakakakilala sa kanya, naglakas loob na akong magtungo sa barangay upang humiram ng record subalit di nila ako pinahintulutan. Tumawag na ko sa kanya o nag-text subalit di sumasagot, nawalan na ko ng pag-asang matutunton ko siya't iniisip na umuwi na lang. Sinubukan ko pa siyang tawagan at di ko inasahang sasagutin niya na ko.

4y-t. Sinabi niya ang eksaktong lugar ng kanilang tirahan at dali-dali akong nagtungo. Maya-maya't habang naglalakad ay nagtagpo na kami at sinamahan hanggang sa bahay. Simple lamang ang kanilang bahay at di ko akalain na may kapatid rin si Anne Rose na may kapansanan sa buhay at nauunawaan ko ang kalagayan ng kanyang kapatid. Pagkapasok, nakipagkilala ako sa kanyang nanay. Sa halip na si Anne Rose ang makakwentuhan ay ang nanay pa niya pagkat busy sa kakadutdot ng selepono at ang bait pa niya sa akin. Sa kanila na rin ako nananghalian at matapos ay patuloy ang kwentuhan. Kahit na may kapansanan ang kapatid ni Anne Rose na gaya sa isa kong kapatid, nakakapagsalita ito't nganga ako sa kanyang katalinuhan.

4y-u. Mga dakong Ala-una ng umalis ang nanay ni Anne Rose at sa pag-alis, tila wala na kong makausap at di makausap ng ayos si Anne Rose pagkat di umiimik kapag ako'y nagkukwento't palaging nakatuon ang mata sa Cellphone at Laptop, nanahimik na lamang ako't di nagtagal ay umuwi na rin. Pakiramdam ko'y di natuwa si Anne Rose sa pagbisita ko’t tila nagsisi ako. Sa halip na dumeretso sa bahay ay naisipan ko pang magkumpyuter. Mga dakong Alas-Singko na ko nakarating sa bahay at saktong nandoon na si Ate Cecile. Sa pagod, daglian akong nahiga't umidlip. Ng makalikom ng sapat na lakas, nanood ako ng telebisyon at mga dakong Alas-dyis na natulog.


97 | 90 Siyam na pung araw na lang ang nalalabi bago sumapit ang Pasko.



September 27, 2014
Saturday

Year II-270

4y-v. Kahit di naman gasinong kaaga ako nagising, mugto pa rin ang mga mata ng dumilat at tila ibig ko pang matulog. Pinilit ko pa rin idilat ng buti ang mata't di na nagpatumpik-tumpik pa sa pagkilos. Pagdating sa School, saktong nakasulubong ko sina Anne Rose, nakisama muna ako sa kanila bago magtungo sa silid at kita ko sa mukha niya ang sigla na tila na wala ng bukas kung makangiti na di tulad kahapon na parang pinagsakluban ng langit at lupa ang kanyang mukha. Maya-maya pa'y nagtungo na kami sa silid. Sa oras ng Filipino, nagkaroon kami ng aktibidad at iyon ay pagbubuod ng napiling kwento. Sa ingay ng aking kamag-aral, hirap ako mag-concentrate sa pagbabasa't napakalalim at haba pa ng kwentong napili ko. Mababaw pa naman ang pag-unawa ko pagdating sa babasahing kwento na may matatalinghagang salita kaya nahirapan ako sa pagbubuod. Malapit ng matapos ang oras subalit wala pa kong nasisimulan, buti na lamang at pwedeng magpasa hanggang mamaya.

4y-w. Sa oras naman ng English, hindi si Ma'am Mactal ang naging guro namin kundi ibang guro na nagngangalang Ma'am Tan. Masyadong slang ang kanyang English Accent subalit nakakatuwa siyang magturo't ang kulit pang magsalita. Gumawa kami ng Essay writing matapos niyang magturo. Maya-maya'y lumabas na kami't di ako kumain kundi inilaan ang libreng oras upang tapusin ang di naipasang Activity sa Filipino. Matapos gawin, agaran na akong nagtungo sa Faculty room, subalit di ko nadatnan si Sir Arnold, di ko tuloy naipasa ang aking Work Activity. Pagkaakyat sa may laboratory, inanunsyo bigla ni Sir Jasper na wala kaming klase't manonood lamang ng Film. Kasama si Sir Jasper ay nagtungo kami sa Auditorium. Pagkatungo'y saktong nagsimula na ang palabas at iyon ay Action movie. Di ko naibigan ang Genre ng palabas at umidlip na lang.

4y-x. Habang sarap sa pagtulog, wala akong kamalay-malay na kinukuhaan na ng litrato nila Eric, buti na lamang at nagising ako agad at nagtakip. Ang ingay tuloy namin pagkat panay ang tawanan nila. Masyadong boring sa loob ng Auditorium at di interesting panoorin ang palabas, lumabas na lang kami. Ayaw ko pang bumalik sa laboratory at naisipang hanapin sina Anne Rose. Saktong nakita ko si Anne Rose at Precious sa may Hilltop square, kinibo ko siya pero pilit niya akong iniiwasan at di ko malaman ang dahilan hanggang harapan niyang sabihin na di raw ako masayang kasama. Heto namang si Precious, panay udyok kila Matthew na umalis na, nakikita kong nagbibiro lang sila kaya sinakyan ko subalit totohanan na pala't mga wala silang kwentang nilalang. Sa ipinakita ni Anne Rose, parang winakasan na niya ang pagkakaibigan namin at ang tunay na kaibigan, hindi nang-iiwan.

4y-y. Hinintay ko sila, nagbabakasakaling babalik pa pero lumipas na ang isang oras, di pa sila bumalik at ikinamuhi ko ng labis ang pag-iwan nila sa 'kin. Ako yung pilit na dikit ng dikit sa kanila't pinakitunguhan ng ayos, di ko pa pala nakukuha ang loob nila't sakit damhin sa dibdib. Akala ko, kaibigan sila pero nagkamaling akala ako't kahit ilang buwan na ang aming samahan, para sa kanila'y wala pa rin akong puwang sa buhay nila. Magmula ngayon pinuputol ko na ang ugnayan kila Anne Rose at Precious at wala na kong pake sa kanilang buhay, mga malalandi't magdusa sila sa hapding kanilang kahihinatnan dahil di ko sila tutulungan! Sa sobrang sama ng loob ko, parang gusto kong ipakita ang bangis pero di ko magawa, sa halip na dumalo pa ng klase sa Chemistry, umuwi na lang ako. Nagbabadya ang malakas na buhos ng ulan at wala pang dalang payong kaya laking pangamba kong mabasa ng ulan. Kung kailan nakasakay na ng Tricycle, saka bumuhos ang malakas na ulan at basang-basa akong umuwi ng bahay.

4y-z. Nang makapagbihis at matuyo, diretso tungo ako sa computer shop. Dahil nasarapan sa pakikipag-chat on Facebook, madilim-dilim na sa labas ng ako'y mag-log-out. Dumaan pa ko sa bahay ni Tita Arlene bago umuwi subalit wala ito ng datnan ko kundi si Jaypee lamang. Di na ko nagtagal sa kanila't agad na umuwi. Kahit iniisip na huwag na lang silang intindihan, kumukulo pa rin ang dugo ko sa tuwing maiisip ang nangyari kanina't hindi ko kayang basta-basta na lang palagpasin iyon. Bakit ganito parati ang nangyayari sa 'kin, nadedehado? Tama ang sabi sa 'kin na minsa'y maging matapang ka't huwag parating maging mabait upang walang sinuman ang may lakas loob na agrabyaduhin ka. Talaga bang ganito tayo mga Pilipino, mahilig manamantala ng ugali’t kahinaan ng iba? May sama ng loob akong natulog at sana sa paggising ko, maging ayos na ang lahat.


96 | 89 Walong pu't siyam na araw na lang, bago sumapit ang Kapaskuhan.


September 28, 2014
Sunday

Year II-271

4z-a. Sa aking paggising kinaumagaha'y anung bigat sa kalooban ang agad kong naramdaman at hindi pa rin ako maka-get over sa nangyari kahapon. Kahit masama pa rin ang loob, hindi na ko nagpatumpik-tumpik pa sa pagbangon at nag-almusal. Ngayong araw ang napag-usapan namin na magtungo sa Ayala Museum kaya dinalian ko na sa pagkain at baka mahuli. Nang ako'y papasakay ng Tricycle ay tila pamilyar sa 'kin ang hitsura ng manong driver na nakaupo at parang siya yung nakabangga ko ng isang araw. Hindi nga ko nagkamali sa hinala't sa katunaya'y bigla na lamang niya akong kinompronta ng ako'y paupo na. Sa halip na kaharapin at dahil sa ako'y banas na sa kanya, di ko na nagawa pang bayaran ang kulang at ako'y umalis. Badtrip ang manong na iyon, kung makapagsalita'y kala kung sino't ipapa-blotter ko na siya sa barangay kapag umulit pa siya. Dahil sa kanya kaya nadagdagan pa ang poot sa dibdib na simula pa kahapon at parang sasabog na ako sa galit.

4z-b. Sumakay ako sa ibang tricycle at pagkababa'y inilabas ko sa isang manong driver ang lahat ng sama ng loob ko sa kanya, pinakinggan naman niya ko. Hindi ko na dapat ginawa iyon, subalit iyon lamang naiisip kong paraan upang mabawas-bawasan naman ang galit sa dibdib. Nag-uumapaw pa rin ang galit ko habang nasa biyahe't pagdating kung saan ang aming tagpuan, nadatnan kong wala pa sila Eric, naghintay pa ko. Makalipas ang isang oras, sa wakas at dumating na rin si Eric at sumunod naman si Rickclyde. Habang nasa biyahe ay di ko inasahan na ako'y mahihilo't parang masusuka. Di ko naman masabi kila Eric ang hinggil sa nararamdaman ko pagkat abala sila sa pag-uusap at ayaw kong mag-alala sila. Nalaman naman nila na nahihilo ako kung kailan malapit ng makarating sa Ayala.

4z-c. Pagkababa'y walang hiya-hiya kong inilabas ang suka't bahagya naman napawi ang aking hilo. Ibang-iba ang buhay sa Ayala at aakalain mong wala ka sa Pilipinas pagkat maraming mga nagtatangkarang iba't ibang gusali ang nakatatag, ang gagara pa ng mga sasakyan, walang makikitang nagtitinda ng street foods at puro mga banyaga ang iyong makakasalamuha. Dahil di kami taga-roon at sa laki ng Ayala, naging pahirapan sa amin ang mahanap ang Ayala Museum at nagtanong tanong pa, karamihan sa napagtanungan nami'y English Speaking at di nakakaintindi ng Tagalog kaya napa-English kami ng wala sa oras. Nagpatuloy kami sa paglalakad at pagtatanong at maya-maya'y narating na namin ang Ayala Museum.

4z-d. Sa pinakamataas na palapag agad kami nagsimulang maglibot-libot at iba't ibang naggagandahang ginto ang bumungad sa 'min, ibig ko sanang kuhaan ng litrato ang mga iyon dahil sa rikit at kinam subalit iyon ay ipinagbabawal upang pangalagaan ang pagiging pribado nito, marami ring mga Jars at Paintings ang naka-display subalit maging mga ito'y bawal kuhaan ng litrato. Kung ikukumpara'y di hamak na mas malawak ang National Museum kaysa sa Ayala Museum at medyo ka-bored lang pagkat bibihira lamang ang namamasyal at parang kami-kami lang ang tao. Bukod pa roon ay mas maraming makikita sa National Museum, pagkababa namin, tila nabitin ako sa aming explorasyon at iyon lang! Bago umuwi'y sinamahan ko muna si Erik sa Ever Gotesco Mall upang bumili ng damit.

4z-e. Hindi ako magaling pumili pagdating sa damit na isusuot at sa kada konsulta ni Eric, Approve lang ako ng Approve kahit di siguradong bagay ba  sa kanya ang napiling damit? Inggit lang ako kay Eric pagkat siya na mismo ang namimili ng isusuot sa edad niyang iyan at matikuloso kung mamili. Saka pa lamang namin naisipang umuwi ng makapamili't labis akong napagod. Pagdating sa bahay, diretso hilata ako't bukod sa napapagod, sa kakalakad ay sumakit ng husto ang paa ko. May pasok muli kinabukasan at kailangan ko ng sapat na oras upang makapagpahinga kaya maaga akong natulog. Hindi naman makatulog pagkat maalinsangan ang panahon, naisipan ko munang makinig ng musika bilang pampaantok, maya-maya'y nakatulog na ko.


95 | 88 Walong pu't walong araw na lang ang nalalabi bago sumapit ang Pasko.



September 29, 2014
Monday

Year II-272

4z-f. Sumapit na pala ang ikatlo ng madaling araw ng dumilat ang dalawa kong mata, masyado pang maaga kaya ipinagpatuloy ko ang aking pagtulog. Sadyang kay tulin ng oras at sa muli kong paggising, nalintikan na pagkat Alas-singko na. Kahit medyo hinihikab pa dala ng antok, kinailangan ko ng bumangon at mag-almusal upang di mahuli sa pagpasok. Pagkarating sa eskwela, kakaunti pa lamang ang kamag-aral kong nasa silid. Ilang sandali pa, pumasok na si Sir Dalope, magkakaroon sana kami ng long test subalit di natuloy at nagturo lamang siya about Linear and Quadratic Equation. Sa una'y naging mahirap sa 'kin ang lesson at hirap makapag-concentrate dahil sa ingay ng kamag-aral na parang bubuyog kung magbulungan. Maya-maya pa'y General Psychology na, bago magsimulang magturo, may mahalagang inanunsyo si Ma'am Joyce sa amin. Sayang lamang at pinangunahan ako ng hiya sa pagsali sa mga Events, tuloy ay walang dagdag puntos. About Mental Hygiene ang itinuro sa 'min ni Ma'am.

4z-g. Matapos ang klase, Lunch break na't sa mismong Seven Eleven kami nina Eric napiling kumain subalit gawa na ako'y di pa gutom, tumunganga lamang ako't pinagmasdan sila. Medyo kakabato lamang sila kasama pagkat tahimik at ayaw nilang dinadaldal, hindi ko batid kung bakit sila ganoon. Ilang saglit pa, nagtungo na kami sa silid. Hindi pa dumarating si Sir Marvin ng mga oras na iyon kaya sakit sa teynga ang ingay ng kamag-aral ko't parang wala ka sa eskwela kundi sa palengke. Malapit ng matapos ang oras subalit wala pa si Sir at bago mag-uwian, may ilang Psychology student ang pumasok at nagkaroon kami ng Logic test. May mga iba't ibang Figures ang nakalagay sa test paper at sa bawat kulang na kasunod na figure, kailangan pumili ka ng mga pagpipiliang Figure upang masunod ang tamang pattern. Halos mabuwang ako sa kakaisip kung alin ba sa mga ito ang wasto't tumaas ang presyon pagkat may time limit sa pagpili. Palaliman pala ng isip ang labanan at wala akong ganong kakayahan kaya nahirapan ako.

4z-h. Matapos ang nakakabigay sakit na ulong logic exam, may mahalaga muling inanunsyo ang President tungkol sa isasagawang Cheerdance. Ibig ko sanang sumali, subalit di maari dahil sa kondisyon ko. Matinding init na animo'y Summer ang sumalubong sa aming paglabas at tila mahihilo muli ako sa init. Dala ng napakaalinsangan na panahon, kinagabiha'y bumuhos ang napakalakas na ulan na sinabayan pa ng malalakas na kulog-kidlat kaya ang takot sa dibdib ay umiigting muli. Daglian lamang ang Thunderstorm at agad naman tumila. Kahit patuloy na kumikislap ang kidlat sa labas, ipinagpatuloy ko pa rin ang panonood ng Programa't sa katunayan ay ayaw kong ma-miss ang inaabangang teleserye gabi-gabi. Sa antok, di na ko nagpaligoy-ligoy pa sa pagtulog.


94 | 87  Walong pu't pitong araw na lang bago sumapit ang Pasko.



September 30, 2014
Tuesday

Year II-273

4z-i. Sadyang kay tulin nga naman ng takbo ng panahon kapag di mo namamalayan at di akalaing sasapit na ang Oktubre bukas. May araw na sa labas ng ako'y gumising at sa aking paggising ay kakaibang bigat ng kalooban ang naramdaman ko't di ko lubos maisip ang tunay na mitsa, wala naman ginawang kasalanan. Batid ko naman sa sarili na walang nagawang pagkakasala subalit iba talaga ang pakiramdam ko sa umagang iyon at pinangambahang mangyari ang aking kinakatakutan. Ipinagsawalang bahala ko na lamang ang naiibang pakiramdam at nagpatuloy sa gawain, medyo kabato-bato ang naging umaga lalo na't wala kaming klase sa ganitong araw kaya naisipan kong libangin ang sarili sa pagpe-Facebook.

4z-j. Sobrang nahumaling ako sa pag-online sa Facebook at panonood ng nakakatuwang parodya sa Youtube, di ko tuloy namalayang tanghaling tapat na't kailangan ng lamnan ang sikmura. Halos magdusa kami sa tindi ng init at kahit sinong mangahas lumabas ay matutusta. Panahon na ng tag-ulan at malapit na ang panahon ng taglamig subalit mala-Summer pa rin ang nadaramang init at marahil ay heto na nga ang taya ng PAGASA na magkakaroon daw ng El Niño. Bumuhos muli ang malakas na ulan pagsapit ng hapon subalit daglian lamang, di naman nakabigay ng lamig. May pagpatak pa ng ambon ng ako'y patungo sa Computer shop subalit kung kailan malayo na, saka naman walang ulan, buwisit at nagdala pa ng payong, pampadagdag lang sa aking dalahin, kinapalan ko ang mukha sa pagtungo sa tindahan nina Tita Haydee upang ipasuyo ang payong.

4z-k. Pagkatungo sa Shop, ipinagpatuloy kong gawin ang Project sa Social Science. Kung kailan matatapos na, biglang nag-shutdown ang Computer at minamalas nga naman, iyon pala'y brownout at halos mangapa ako sa dilim habang naglalakad. Pakiramdam ko'y niloloko ako ng kapalaran at labis ang aking pagkadismaya pagkat napunta lamang sa wala ang pinaghirapan ko. Bumalik naman ang kuryente pagsapit ng Alas-Siete, pulasan sa tuwa ang kapit-bahay maging ako. Medyo naging kaabang-abang ang palabas sa Ikaw lamang pagkat sa loob ng 20 years, nagkatagpo na si Franco at Isabelle at nakilala na ni Natalia at Andrea na siya ang nawawala nilang ina. Maging si Gabriel ay nakilala na rin si Samuel bilang ama niya. Sobrang ganda talaga ng eksena sa Ikaw lamang at napapatutok ang mata ko ng husto. Diretso tulog ako matapos manood.


93 | 86 Mayroon na lamang walong pu't anim na araw bago sumapit ang Pasko!