August
01, 2014
Friday
Year II-213
Friday
Year II-213
4p-q. Sarap buhay muli ngayong free day subalit sa halip na
ilaan ko ang araw na ito upang magpakasasa sa sarap ay gagawa na lamang ako ng
mahahalagang bagay na bukod sa mag-e-enjoy ako, makakatulong pa ko.
Sa aking paggising, agad kong sinimulan ang mga balakin at iyon ay gawaing
bahay. Gatambak ang hugasin sa lababo at nalapnos ang kamay ni ina dahil
natalsikan ng kumukulong mantika kaya ako na ang umaksyon ng mga hugasin.
Sumunod ay pagwawalis mula harap hanggang likod ang inatupag ko't maging sa
kailaliman kung nanunuot ang alikabok ay walang ligtas na mahusay kong
pagwawalis at sinabayan na rin maigting na punas para masilaw ang tumitingin sa
kaputian ng sahig at paniguradong walang masasabi si ina. Sa dami ng ginawa
ko, bahagya akong nakaramdam ng pagod at pansamantalang umupo. Medyo di
kagandahan ang lagay ng panahon at pabugso-bugso pq ang pag-ulan na di malaman
kung kailan bubuhos o titila.
4p-r. Balak sanang magtungo sa labas upang magkumpyuter muli kaso napakasungit
ng panahon at ituloy na lang ang balakin kapag gumanda na. Upang di mabato,
nanood na lamang ako ng telebisyon. Di ko akalain na laganap na ang Ebola
Virus sa West Africa at kumitil na ng
daan-daang buhay. Nakakatakot isipin na once na ikaw ay dapuan
ng Ebola virus, asahang buhay mo na ang kapalit at nawa
di makapasok sa ating bansa ang mapanganib, nakakahawa at nakakamamatay na
sakit. Mahina pa naman ang resistensiya ko't madaling kapitan ng sakit. Balak
ko pa sanang manood ng Baliwan Cinema subalit di
nanaman natuloy dahil sa maligalig ang kapatid kong may kapansanan, nag-Siyesta na
lamang ako't sa kasarapan matulog, malapit ng magtakipsilim dumilat ang mata at
sabay lantak ng nakahaing ulam sa mesa.
4p-s. Matapos kong maghapunan, ginawa ko muli ang night hobby ko't
iyon ay manood ng paboritong programa. As usual, kahit palabas
lamang iyan ay di ko pa rin maiwasang mayamot sa kaganapan sa Ikaw Lamang,
hindi makatao ang pagtrato ni Franco kay Isabelle pagkat
inuundayan nito ng bugbog at napakahalang ng kanyang kaluluwa, dapat sa babae
ay minamahal, nirerepesto at di yung sinasamantala ang kanyang kahinaan at
sinasaktan. Ito namang si Natalia, bata pa lamang subalit sakit na
sa ulo't marahil ay nilason ni Franco ang isipan ng bata.
Mabuti ang pag-ibig sa magsing-irog o magkatipan pagkat ito ang nagbubuklod sa
kanila at dahil dito kaya tumitibay ang pagsasama pero kapag mali ang gamit mo
nito, masama na't maaring humantong sa sakitan at magdudulot pa ng trahedya.
Mahal nga ni Franco si Isabelle pero kung
patuloy niyang sinasaktan ito, di na masasabing pagmamahal iyon kundi
kahibangan na.
August 02, 2014
Saturday
Year II-214
4p-t. Ngayong araw gaganapin ang aming Freshmen night subalit
mukhang di ko ibig sumali sa ganyang ka-formal na party pagkat
kaunti lamang ang magsisipagdalo at di masaya kapag ganun. Isa pa, half
day lamang at walang masyadong gagawin kaya nagpasyang lumiban na lang
sa klase. Follow up check up ko pala ngayong weekend at
gustuhin ko pa man matulog ng matagal subalit di ko na ibig pang matambakan ng
pasyenteng magpapa-check up pagkat matagal kaya agaran na akong
bumangon. Dahil malaki na ako at nasa hustong gulang, di na ako sinamahan pa ni
Mama sa pagpapa-check-up. Wala pa ang Doctora Dacayan pagkatungo
ko sa UST Hospital at
hinabaan ko ang pasensiya sa paghihintay. Upang matanggal ang aking pagkainip,
nilibang ko muna ang sarili sa pakikinig ng musika. Sa kakahintay, bahagya
akong nakaranas ng gutom at umalis pansamantala.
4p-u. Sumapit na ang Alas-dose subalit di pa ko natatawag at labis na ang
aking pagkainip. Ilang minuto ang lumipas, sa wakas at tinawag na rin ako.
Pinayuhan lamang ako ni Doctora Dacayan tungkol sa
dapat kong gawin upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit. Matapos ang follow
up check up, sa halip na diretso uwi ay naisipan ko pang magtungo sa Cubao upang
mamasyal. Naging napakabigat ng daloy ng trapiko sa España na
sinabayan pa ng pabugso-bugsong ulan kaya Alas-dos pasado na ko nakarating
doon. Kahit mag-isa lamang ay naging masaya at sulit ang aking pamamasyal.
4p-v. Nilibot ko ang buong Farmers maging ang Gateway at
marami kang makikita subalit kahit enjoy mo ang pamamasyal,
may hangganan ang enerhiyang mayroon ka at nakakapagod. Naupo ako at nakikabit
ng Wi-fi, di nga lang kabilisan subalit pinagtiyagaan ko na
lang. Bago umuwi at dala na rin ng gutom, kumain muna ako sa Jolibee. Malapit ng
mag-ikaapat ng makarating ako sa bahay at diretso tulog ako. Madilim-dilim na
sa labas ng ako'y nagising at gawa na di pa nagugutom, kakarampot lamang ang
nilamon sa hapunan at pagkatapos ay nanood ako ng telebisyon. Ang ganda at
nakakakilig pa ang istorya sa MMK.
4p-w. Tungkol iyon sa isang dalagitang nangarap na magkaroon ng lalaking
handang ibigin siya hanggang sa pumuti ang kanilang buhok, nagkatotoo nga ang kanyang
kahilingin at nabihag niya ang lalaking kanyang kinababaliwan subalit ng
maglaon ay nasaktan lamang siya dahil natuklasan nito na nakabuntis ang
kasintahan niya't masaklap pa'y ikinasal yung lalaki sa inanakan niya. Ang
pag-ibig talaga, parang punching bag pagkat once na
lumagay ka rito, may tendency na maaari kang masaktan at parang
sinusuntok ng paulit-ulit ang puso mo. Kaya minsan nakakatakot ang magmahal.
Paano na kaya ang may diperensiya sa puso, di bawal sa kanila ang umibig pagkat
ikamamatay nila kapag nasaktan. Para sa akin, mas prayoridad ang pag-aaral bago
lumandi subalit hanga ako sa naging kwento niya pagkat nadapa man siya dahil sa
sakit na hatid ng lintik na pag-ibig, nakaya niyang bumangon at makalimot.
August 03, 2014
Sunday
Year II-215
4p-x. Sumapit muli ang araw ng Linggo, simula ng buong linggo na nawa'y
magdala ng magandang pangyayari sa buhay at heto rin ang magandang pagkakataon
upang idaos ang Family bonding kaso di namin
kinahiligan na gawin iyon pagkat madalas ay di kami kumpleto at walang time.
Sumapit na ang ikapito ng ako'y dumilat at bumangon subalit animoy madaling
araw pa lang sa dilim ng kalangitan at marahil ay bubuhos muli ang malakas na
ulan. Hindi ako nagkakamali sa aking taya't malabagyo ang lakas ng ulan subalit
daglian lamang. Diretso gawaing bahay agad ang inatupag ko matapos
makapag-agahan at napakarami ko pa ring nalikom na alikabok kahit panahon
ngayon ng tag-ulan. Matapos ang gawaing bahay, nagtungo naman ako sa computer
shop at maaga pa sa Alas-kwatro ang pag-online sa social
media.
4p-y. Medyo nahumaling ako sa pakikipag-chat and post kaya
di ko namalayang nakakadalawang oras ng umuupa. Sa halip na dumeretso sa bahay,
naisipan ko pang magtungo kina Tita Jean at
nakipagkwentuhan.
Bumuhos muli ang malakas na ulan kaya di agad ako nakauwi't malapit ng
humapon ng makarating sa bahay. Pagkarating ay umaalingawngaw ang nakakabinging
bidyooke ng kapitbahay, dahilan kung bakit di ako makapag-Siyesta. Labis
akong naririndi sa bidyooke kaya pagkabangon, naisipan kong magtungo sa bahay
ng kaanak at doon muna manatili. Sa bahay nina Tita Arlene ako
nagtungo't kaharutan agad ng alagang aso nilang si Jambo ang
sumalubong at walang habas na dinidilaan ang aking paa maging hita kaya yamot
ang umiral sa dibdib.
4p-z. Sa yamot, muntikan ko ng pagbuhatan ng kamay ang aso pero pasensiya ang
pumigil sa akin. Wala si Jaypee kaya kami lang ng Tita Arlene ang
nagkwentuhan sa buong oras na aking pananatili. Di ko pa ibig
umuwi't nagtungo pa kina Regine. Pagdating sa bahay nila,
katahimikan ang bumabalot sa buong bahay at kaaya-ayang pakinggan. Saktong
nakita ko si Tantan na binabantayan si Baby Lawrence at
sabay lisan pagkarating ni Ate Bing. Matagal-tagal
na rin kaming di nagkikita ni Ate Bing kaya marami
kaming napagkwentuhan. Ilang saglit pa, pumasok sina Shiela at Regine kaya
lalo pang sumarap ang aming usapan. Dahil sa banta ng malakas na ulan at sa
takot na mai-stranded muli, kinailangan ko ng magpaalam sa kanila.
4q-a. Nanatili pa rin ang ingay na nakapaligid sa aming bahay bunsod ng
bidyooke't sa ingay, di na namin marinig ang aming pinapanood. Kalat na ang
kadiliman sa labas subalit sige pa rin sa pagbirit ng pagkataas-taas ang aming
kapit-bahay at halos magiba na ang dingding sa lakas ng dagundong nito. Maya-maya,
ang kaninang nagkakasiyahan sa bidyooke, natigil ng magkaroon ng
kaguluhan. Iyon pala'y may lasengerong naghurimentado't nag-aamok pa ng away.
Kami naman 'tong nakikiusyoso sa pangyayari't sa kalasingan, kung ano-ano ang
nasasabi nito't panay pa ang pagwawala kahit inaawat na. Kaagad namang humupa
ang kaguluhan ng maipadala ang lasenggero sa barangay tanod at di na nila
ipinagpatuloy pa ang bidyooke na siyang aming pinagpapasalamat. Kay
komportableng matulog kapag ang lugar niyo'y mapayapa't walang gulo at sana
ganon parati sa lugar namin.
August 04, 2014
Monday
Year II-216
4q-b. Hirap pang idilat ang mga mata gawa na ako'y labis pang inaantok
subalit dapat na akong masanay na gumising ng maaga tuwing Lunes at Miyerkules
upang di mahuli sa pagpasok. Pagkarating sa unibersidad, mangilan-ngilang
kamag-aral ko pa lamang ang nasa silid. Ipinabatid sa akin na magkakaroon pala
kami ng quiz sa General Psychology kaya
habang di pa dumarating si Sir Dalope, panay ang aking
repaso't labis ang aking pagka-pressure. Maski na nasa harapan na
si Sir Dalope't nagtuturo'y
ipinagpatuloy ko pa rin ang pagrerepaso, kaso itong si Clark Haven,
masyadong Epal at ipinalandakan ba naman sa buong klase na Psychology ang
inaaral ko kaya banas ako sa kanya, nawa'y di marinig iyon ni Sir Dalope.
Panay ang aking pagrerepaso pero di talaga maitatak sa isipan ko't agad
nakakalimutan.
4q-c. Habang wala pa si Ma'am Joyce, pagrerepaso ang
aming inatupag kaso di naman ako makapag-aral ng maayos pagkat maingay. Ilang
sandali pa, dumating na si Ma'am Joyce subalit di
kaagad nagsimula ang quiz pagkat nagkaroon ng Class
election. Matapos ang class
election, saka pa lamang nagsimula ang maikling pagsusulit. Sayang lamang
ang aming nirepaso pagkat di identification o enumeration kundi essay and drawing
the parts of five senses organ ang naging type ng
aming pagsusulit at halos mangamote kami kaya panay ang reklamo. Malamang, puro
mabababa ang makukuha namin at ibang klase si Ma'am Joyce kung
magbigay ng pagsusulit, parang laki ng galit kung pahirapan kami. Maya-maya’ybreaktime na't
sila Anne Rose muli ang nakasabay ko.
4q-d. Matapos tsumibog at malamnan ang piping sikmura, kasama naman
sila Stella ay nagtungo naman kami sa library at
doon ginawa ang takdang-aralin sa Social Science. Mga
bandang Alas dose ng magtungo kami sa silid at habang wala pa si Sir Marvin,
may mahalagang inanunsyo sa amin si Jaimarri at panay ang
hikayat na sumama sa tour bukas sa National museum na project namin
sa Social Science. Kung kailan malapit ng mag-time,
saka pa lamang pumasok si Sir Marvin at nagturo,
kaso'y puro patawa't parang wala naman akong natutuhan sa kanya, minsan na nga
lang magturo, puro kabalbalan pa.
4q-e. Ilang saglit pa, sa wakas at uwian na. Habang lulan ng bus,
yamot ako kay Nicole pagkat laking babae na nga tapos panay pa
ang harutan kina Cathlyn, kami naman itong gitgit na gitgit na
dahil halos sakupin na nito ang aming kinauupuan. Lumuwag rin ang aming
kinalalagyan pagkababa nila. Pagkarating sa bahay, animoy gabi muli sa dilim ng
kalangitan at ilang saglit makalipas, bumuhos ang malakas na ulan na sinabayan
pa ng hangin. Pamaya’t maya ang pagbuhos ng ulan at tila di matutuloy ang
balakin namin bukas. Huminto naman ang malakas na ulan pagsapit ng gabi. Sa
kadahilanang pupunta pa kami bukas sa National Museum,
kaagad akong natulog matapos manood ng telebisyon. Nawa’y gumanda na ang
panahon bukas.
August 05, 2014
Tuesday
Year II-217
4q-f. Di pa man lumiliwanag sa labas ng ako'y magising subalit mga ikaanim na
ng sinipag bumangon at mukhang magiging maaliwalas ang lagay ng panahon na sana
nga lang ay magtuloy-tuloy hanggang hapon. Si Mama naman, panay ang pigil sa
aking balakin pagkat kinakatakot niya ang pagsama muli ng panahon pero
napakiusapan ko naman siya. Sa halip na magtungo pa ko sa napag-usapang
tagpuan, di na ko sumabay pa kila Jaimarri at diretso National Museum na
ako. Malapit ng mag-ikasampo ng marating ko ang siyudad ng Maynila,
medyo di ko kabisado ang daan patungo roon kaya nagtanong tanong pa ko habang naglalakad.
Ilang saglit pa, sa wakas at narating ko na rin ang National Museum subalit
wala pa ang mga kasamahan ko't matiyaga ko silang inabangan. Ang kaninang
maaraw, biglang nagbago't nagbabadya muli ang pagbuhos ng ulan at bumuhos na
nga kaya pumasok ako sa loob kasama ang mga estudyanteng magto-tour rin.
4q-g. Lumipas ang isang oras na pag-aantay, sa wakas at nakarating na sila.
Sinimulan na namin ang paglilibot-libot sabay kuha ng litrato sa bawat
kagamitan o painting na nakatanghal. Sa laki ng gusali,
mukhang marami pa kaming sinaunang kagamitan na di pa natutuklasan at
ipinagpatuloy ang pag-explore hanggang sa kabilang gusali. Sa
kakalibot, bahagya akong nakaramdam ng gutom kaya pagkatapos ng aming
makasaysayang tour, kami'y nag-snack. Habang sarap kami sa
kainan, biglang nagyaya itong si Jaimarri at Arnulfo na
magpunta kami sa Mall of Asia, kaagad naman
kaming pumayag kaya matapos kumain, palarga na kami patungong MOA. Habang lulan ng dyip, hetong
sila Arnulfo ay ang lalakas mang-trip ang iingay
pa, pinagsabihan ko sila pero katakot-takot na pangangantiyaw ang aking inabot,
marami sila't mag-isa lang ako kaya hinayaan ko na lang sila, pero sa totoo
lang ay di ko naibigan ang ipinakita nila't nakakawala na ng ganang sumama sa
gayak.
4q-h. Sadyang napakaingay nila't kung makipagkwentuhan, parang sila lamang
ang tao't di na sila nahiya kaya pinagsabihan ko muli pero hetong si Hanna at Nicole,
biglang nanumbat at ako pa ang pinapalabas na masama. Di ko na makaya pa ang
pambabatikos nila laban sa akin kaya doon na nagsimulang maimbyerna't
napagtaasan ko sila ng boses, di naman nila ako masisisi kung ako'y nagalit at
labis akong na-offend. Matapos kong magbitaw ng mabibigat na salita,
bumaba na ko't nag-abang muli ng masasakyang dyip pauwi, mga buwisit sila't
akala kung sino makapagsalita, wala pa ngang nararating, mga wala silang
kwentang kasama! Mas pipiliin ko pang umuwing mag-isa
kaysa makasama sila. Habang sakay ng dyip, may isang gusgusing ale ang umakyat
at mangiyak-ngiyak sa panghihingi ng limos. Di ko ba alam kung bibigyan ko siya
ng pera't nahabag talaga ako. Di makaya ng konsensiya na magdamot sa taong
nangangailangan ng tulong kaya ng maglaon, binigyan ko ang ale ng singkwenta
pesos at laking pasalamat niya sa akin sabay puri na siyang ikinataba ng puso
ko.
4q-i. Naging napakabagal ng daloy ng trapiko sa lansangan at sinabayan pa ng
malakas na buhos ng ulan kaya malapit ng dumilim ng ako'y makarating sa bahay.
Nanatili pa rin ang yamot sa dibdib na ibig kong ilabas at magwala subalit di
ko magawa't masabi kay ina ang nararamdaman pagkat ayaw kong isipin niya na
nakikipag-away ako. Sa pamamagitan ng text, sa kaibigan kong
si Anne Rose ko inilabas ang lahat ng sama ng loob
at pinayuhan niya ako na nagpaliwanag sa nararamdaman ko. May pasok muli
kinabukasan at goodluck to me tommorow if I see them again.
August 06, 2014
Wednesday
Year II-218
4q-j. Anung bigat ang nasa kalooban na tila pinipigilan ako sa pagpasok sa
eskwela't di pa rin limot sa isipan ang naganap kahapon. Parang gusto ko silang
pagsasampalin dahil sa di nila pagrespeto sa akin subalit di iyon solusyon
upang maialis kung anuman ang nasa dibdib, bagkus ay lalo pang lalaki ang
hidwaan namin na ayaw ko namang mangyari kaya dapat kong pigilan kung anuman
ang umiiral sa dibdib. Huwag na lamang intindihin ang mga sinabi nila. Kahit
nawawalan ng ganang pumasok, pinilit ko pa rin pagkat kailangan sa buhay ang
mag-aral upang umangat sa buhay. Habang naglalakad patungo sa eskwela'y saktong
nakita ko si Joshua subalit galit agad ang nanguna kaya di
kami nagpansinang dalawa kahit batid kong nadamay lamang siya sa ipinamalas
kong anghang kahapon. Saktong nasa harapan na si Sir Dalope pagkapasok
ko't nagturo lamang siya.
4q-k. Nakita ko muli ang mga pagmumukha nila, kung kaya ang galit sa dibdib
ay muling nanggagalaiti subalit di ko inilabas. Idinaan ko na lamang sa
pagkukuwento ang naturang sama ng loob pero biglang dumating sina Hanna at
ang kapal ng mukhang pagbawalan ako sa pagsasalita kaya lalo pa kong nayamot.
Sa halip na makipag-ayos, lalo pang sumidhi ang aming iringan at nakapagbitaw
ako ng matatalim na salita. Hindi naman nagtagal ang aming iringin at malaking
palaisipan sa akin kung bakit ibang-iba ang pakikitungo nila sa akin at saan
ako nagkamali? Nang sina Arnulfo at Jaimarri ang
kausap ko, humingi sila ng tawad sa akin kung nasaktan daw ako't ipinaintindi
nila sa akin ang lahat lahat.
4q-l. Kahit paano'y naliliwanagan na ko't tanging mga sambit lamang nila ang
nagpahinahon sa galit ko. Maya-maya’y lumabas na kami ng silid, masayang kasama
sina Anne Rose kaya sa kanila ako sumabay sa
kainan. Matapos kumain, kwentuhan at wala kaming ibang ginawa kundi ang
magtawanan kaya tuluyan ng naglaho ang pagkayamot ko. Ilang sandali pa'y
nagtungo na kami sa silid. Wala muling guro kaya aakalaing palengke ang silid
sa ingay ng kamag-aral ko't tila di sila maubusan ng sasabihin sa katabi. Ako
naman itong tahimik at upang di lamunin ng pagkabagot, nakinig ako ng musika.
Kung kailan naghihingalo na ang oras, saka pa lamang dumating si Sir Marvin at
nagturo. Kapag si Sir Marvin ang magturo, mistulang comedy bar ang
silid pagkat palagi niyang hinahaluan ng katatawanan. Maya-maya pa, lumabas na
kami ng silid at dahil tatlong oras ang amingvacant time, naisipan ko
munang magkumpyuter.
4q-m. Pagkatapos magkumpyuter, di ko batid sa sarili kung bakit tinatamad
ako't tila ibig ko ng umuwi subalit prinsipyo ang pumipigil sa akin. Gusto ko
na talagang umuwi kahit na may isa pa kaming subject at
itinuloy ko ang aking balakin. Upang di mapagalitan ni ina sa nagawa kong pag-cutting,
nagpanggap akong masakit ang ulo pagkauwi sa bahay sabay higa sa kama. Aminado
akong mali at makasalanan ang ginawa ko subalit iyon lamang ang naisip kong
paraan upang di ako pagalitan ni ina't ama. Nakakainis lang sa sarili
pagkat nagpanaig ako sa katamaran. Madilim-dilim na sa labas ng ako'y magising
at naghapunan. Matapos kumain, diretso panonood agad ng telebisyon ang aking
inatupag. May pasok pa ko kinabukasan at di ko na ibig pang lumiban sa klase
dahil sa katamaran kaya diretso tulog ako sa halip na magpuyat. Patawarin nawa
ako ng maykapal sa aking pagkakasala.
August 07, 2014
Thursday
Year II-219
4q-n. Hindi naging maginhawa ang dibdib ko sa aking paggising at tila
kinakabahan ako sa mangyayari na di naman dapat pangambahan. Ganito pala ang
pakiramdam kapag nakagawa ka ng kasalanan, mabigat. Dahil nagpanaig ako sa
katamaran, nagawa ko pang magpanggap at magsinungaling, pinagsisihan ko na ang
ginawa ko kahapon at sisiguraduhing di na uulitin pa. Lord patawad,
kung naging makasalanang nilalang ako. Inuusig talaga ako ng konsensiya na
nagpabagal sa pagkilos ko. Mga ikawalo na ako nakarating sa unibersidad.
Pagkarating, ipinabatid sa akin ng kamag-aral na magkakaroon lamang ng film showing sa Filipino mamayang
Alas nuebe't pagkasabik agad ang umiral sa dibdib.
4q-o. Maya-maya pa, umakyat na kami patungong Auditorium upang
manood ng film. Di ko akalain na ang ipapalabas sa screen ay
ang kinababaliwang movie na She's dating a
gangster ng mga kabataan.
Nung una'y nanghihinayang akong panoorin ang palabas pagkat puro landian
lamang ang kaganapan pero kinilig ako ng kalagitnaan na't parang di mo maawat
ang sarili. Sa oras na magkakaroon ng love scene o kissing
scene si Kathryn Bernardo at Daniel Padilla,
asahan ang nakaririnding tilian. Hindi nga lang namin natapos ang palabas
sapagkat di kami exempted sa oras ng English.
Habang patungo sa silid, takot sa dibdib ang aming nadarama't pinaghahandaan
ang malatigreng pag-akto ni Ma'am Mactal pero
ipinabatid sa amin ni Marlou na di galit si Ma'am at
ipagpatuloy daw namin ang panonood.
4q-p. Sa halip na bumalik sa Auditorium, diretso canteen na
kami't kumain. Sayang lamang at di namin natapos ang palabas pero ayos lamang
at nasulit naman. Matapos namin kumain, nagtungo muli kami sa library at
doon nanatili hanggang sa sumapit ang Ala-una. Naging napakahaba ng pila sa
may elevator, kung kaya nakakapagod man ang maghagdan ay ginawa pa
rin namin. Wala pa si Sir Jasper ng mga oras na
iyon kung kaya tumambay muna kami sa harap ng laboratory.
4q-q. Habang sarap sa pakikipagkwentuhan kila Anne Rose ay
bigla akong tinawag ni Arnulfo, di ko malaman kung anung pakay
niya't iyon pala'y binigyan ako ng pagkain. Nagpasalamat ako sa kanya subalit
kay Jaimarri raw ako magpasalamat pagkat siya raw ang bumili.
Di ko naman makain pagkat walang kutsara't tinidor. Ilang saglit pa, pumasok na
si Sir Jasper at kami'y nagsipasok na rin. May
konti pang yamot kay Hanna kaya di ako naupo sa kanila subalit
ng magpresinta siyang pahiramin ako ng kutsara't tinidor, nagbago ang
pakiramdam ko sa kanya't lumambot ang puso ko, subalit sa hiya'y di ko
tinanggap ang offer niya, di dapat ako nagalit ng ganun sa
kanya. Sa puntong iyon, napatawad ko na sila't ang gaan sa dibdib. Kahit todo
pakinig ako sa itinuturo ni sir, hirap ko pa rin makuha at sadyang dudugo ang
utak kapag iyong nireresolba.
4q-r. Mga ikaapat ng dumako naman kami sa silid at ipinagpatuloy ni Sir
Jasper ang topic. Hindi ko pa rin maunawaan ang kanyang
itinuturo't parang nakakawala na ng ganang makinig. Ilang saglit pa, uwian na. Habang lulan ng
pampasaherong dyip ay may isang tanod ang humarang at sinita ang manong tsuper
dahil daw sa di umanong pag-overtake nito. Nagkainitan ang dalawa,
hanggang sa imaneho ng driver ang dyip palayo sa kanya subalit
naharang naman ito ng isa pang tanod at dinampot ang driver. Kami
naman itong mga pasahero, bumaba't humanap ng masasakyan. Naging pahirapan sa
akin ang mag-abang ng masasakyan kung kaya malalim na ang gabi ng makarating sa
bahay. Kung di lang nilabag ng manong ang ordinansa, di sana walang hulian at
nakauwi ng maaga. Talagang tutok ang mata ko sa panonood ng Ikaw lamang,
ang bawat eksena'y nakakapangigil sa mga manonood lalo na ng itakas ni Samuel si Isabelle mula
sa kamay ni Franco. Sa antok na aking nadarama, agaran na akong
natulog.
August 08, 2014
Friday
Year II-220
4q-s. Wala muling pasok kung kaya napalawig ko pa ang aking pagtulog at
malapit ng mag-ikawalo ng magising. Agad kong ginampanan ang gawaing bahay sa
aking pagbangon at matapos ay nagtungo sa computer shop upang
manood ng movie. Diary ng Panget sana
ang balak panoorin subalit nagbago na ang isip at My Illegal wife na
ang naisipan kong panoorin. Ang programang iyon ay tungkol sa isang babae na
nagngangalang Clarise na sa kanyang edad ay hinahangad pa rin
na magkaroon ng The one. Nang mag-crush ang
kanilang sinasakyan na eroplano ay napadpad si Clarise sa
tagong isla. Doon ay nakatagpo siya ng lalaking nagngangalang Henry at
kung titingnang maigi, grabe at saksakan ito sa kapogian at kahit sinong babae
o binabae'y makakaya niyang bihagin ang puso.
4q-t. Iyon nga lang ay may amnesia si Henry at
sinamantala ni Clarise ang pagkakataon, ipinalabas niya
kay Henry na siya ang asawa subalit di nagtagal ay bumalik rin
ang ala-ala nito't natuklasan na niloloko lamang siya ni Clarise. Bukod sa makabagbag
damdamin ang istorya'y dami ko rin tawa sa programa at iba't ibang linya ang
lumalabas sa kanilang dayalog na hinango lamang sa mga nagdaang pelikula't
halos ikaputok ng aking sikmura ang pagtawa. Sa huli, naging sila naman
ni Henry at naging mag-asawa pa nga. Dahil nasarapan sa
panonood ng My Illegal wife, di ko
namalayang tanghaling tapat na't kailangan ko ng umuwi. Diretso kain ako ng
ulam na nakahain sa mesa pagdating sa bahay at matapos ay nag-Siyesta.
4q-u. Malapit ng mag-ikatlo ng hapon ako nagising, gawa na walang maisipang
gawin na ikakaaliw ko, pagbabasa na lamang ng World atlas ang
aking inatupag. Kinagabihan, lalo pang sumidhi ang eksena sa Ikaw Lamang pagkat
natunton ni Franco sina Isabelle sa barko't pilit
na inaagaw ni Franco si Natalia kay Isabelle,
sumama naman ang pilyang bata kay Franco at ng makita ni Samuel ang
pagpapahirap ni Franco kay Isabelle, inundayan
nito ng makabasag bungong suntok at tumba si Franco. Naiwan
si Samuel at Isabelle sa barko at lingid sa
kanilang kaalaman na may binanalak si Franco na masama at iyon
ay pasabugin ang barkong kanilang sinasakyan. Animoy eksena lamang sa Mula
sa Puso ang Pagsabog ng barko't Mala-Titanic naman ng
magpanik sila't ilikas sa mga bangka ang mga pasahero habang papalubog ang
barko. Ang ganda talaga ng produksyon ng direktor sa Ikaw lamang at
pinapaigting nito ang emosyon ng mga manunuod. Matapos manood, ako'y natulog na.
August
09, 2014
Saturday
Year II-221
Saturday
Year II-221
4q-v. Di pa man pumuputok ang liwanag sa labas ng ako'y magising subalit
tirik na ang haring araw ng maisipan kong bumangon. Di pa gasinong kalam ang
sikmura kaya kakarampot lamang ang kinain ko ng agahan. Habang iniimpake ang
kagamitan sa bag ay napansin kong nawawala ang aking English Workbook,
hinalughog ko ito kung saan-saan subalit di ko nasumpungan at labis akong
nanghinayang. Dahil mahuhuli na ako, di ko na hinanap pa. Kailangan kong
makabili ng workbook sa lalong madaling panahon kung kaya
pag-iipunan ko na lamang ang pambili ng workbook. Pagdating sa
eskwela, di pa nagsisimula ang aming klase kung kaya tamang gala lamang at
kutkot-tuhog ng tinitindang street foods.
4q-w. Maya-maya pa'y nagtungo na kami sa silid. Sa oras ng Filipino,
nagkaroon kami ng pangkatang gawain at wala akong idea kung
para saan ang kanilang ginagawa. Kahit ganun man ang aking pag-iisip, tumulong
pa rin ako sa aking mga kaanib at dahil sa pagtututlungan ay kaagad rin naman
namin natapos ang aming gawain. Medyo kinapos nga lang sa oras kung kaya ang
pag-uulat na gagawin sana ngayon ay isasagawa na lamang sa susunod na
pagkikita. Mayroon pa lang maikling pagsusulit sa English, kung
kaya habang di pa dumarating si Ma'am Mactal, ako'y
nagrepaso muna. Patuloy ang paghahari ng ingay sa silid kung kaya nawawala ang
aking konsentrasyon sa pagrerepaso. Pagdating ni Ma'am Mactal,
nagsimula na ang maikling pagsusulit. Di naman naging mahirap ang pagsusulit sa
unahang bahagi nito subalit ng huli, doon talaga ako nangamote ng husto kaya
nagtagal tuloy. Matapos sagutan ang nakakabigay sakit ng ulo na pagsusulit,
kami'y nagtungo sa Canteen at nananghalian.
4q-x. Sa kagustuhang makaipon pambili ng workbook, labis kong
tinipid ang sarili. Di ko maiwasang maiingit pagkat sarap na sarap sa paglantak
ang aking kasamahan samantalang ako'y nga-nga't pinagmamasdan sila, kung di
lang sana naiwala'y di ko dapat ito danasin. Mga bandang Ala-una ng magtungo
kami sa Laboratory subalit ipinabatid sa amin ni Sir Jasper na
wala kaming klase sa laboratory pagkat gagamitin iyon para
sa meeting. Dahil wala kaming klase, nagbunyi ang mga kamag-aral
ko't kasama sila Aroma'y nagtungo kami sa Canteen at
ipinabatid sa iba pang kamag-aral na walang klase. Heto namang sila Anne
rose, nag-aya na magtungo kami sa SM, di ko sana ibig sumama sa
gayak pagkat ako'y nagtitipid subalit pinangunahan ako ng pagkasabik kaya
nabali ang pangako ko.
4q-y. Pagdating sa SM Fairview, kaagad kaming nagtungo sa cinema at
nanood ng horror movie. Nakakatakot ang tema ng palabas subalit
walang kadating-dating at di man lang kami natatakot, sayang lamang ang
ipinangbayad namin. Nakakabagot panoorin ang palabas kung kaya nag-siyesta na
lamang ako sa loob pa mismo ng sinehan. Kung kailan sarap na sarap sa pagtulog
ang biglang paggising sa ‘kin ng kamag-aral at kami'y aalis na pala. Di ako
makapaniwala sa sinabi ng kasamahan na ako'y humihilik daw habang tulog, bagay
na nahihirapan talagang paniwalaan at natawa na lamang. Diretso gawa kami ng
takdang-aralin sa Chemistry habang may nalalabi pang oras
pagpasok sa silid.
4q-z. Makalipas ang ilang sandali'y pumasok na si Sir Jasper at
nagturo. Todo ang aking pakikinig subalit bakit di ko lubos mauwaan ang lesson at
ang hirap naman ng subject na ito, mas mahirap pa kung
ikukumpara sa Math. Di ko na nga maunawaan ang turo ni sir, maingay
pa sa loob na siyang nakakadagdag kung bakit ako nahihirapan. Ilang saglit
makalipas, sa wakas at uwian na. Gawa na di ako kumain ng lunch break,
halos makakaya kong ubusin ang sampung platong puno ng pagkain sa labis na
gutom. Matapos kong kumain at dala na ako'y nakakaramadam ng matinding
pagkahapo, kaagad na akong humilata sa kama, di naman magawang makatulog pagkat
maingay sa labas at kakairita sa pandinig, pinagtiyagaan ko na lamang ang
naturang pangyayari.
August 10, 2014
Sunday
Year II-222
4r-a. Sadyang kay bilis ng panahon at biruin na sumapit muli ang araw ng
Linggo. Kasabay ng pagsapit ng Linggo, araw rin ito upang ipagpahinga ang
sarili mula sa dibdiba't nakakapagod na gawain sa maghapon. Nanatili pa rin ang
antok sa aking pagkatao kung kaya tinatamad pang bumangon subalit marami akong
balak gawin at tapusin para sa araw na ito kung kaya nilabanan ko ang antok at
agad ng bumangon. Tila nalulungkot ang kalangita't may pagbadya pa ng pag-ulan.
Sayang at may balak pa sanang maglaba subalit may pangambang di matuyo. Matapos
humigop ng kape na siyang nagbibigay sigla sa umaga ko, diretso gawaing bahay
ako. Matiyaga kong winalisan ang sahig magmula ibabaw hanggang sa
kasulok-suluka't napakaraming alikabok akong nalikom, kaso nga lang matapos ang
pagwawalis ay bigla na lamang akong sinipon.
4r-b. Hindi naging hadlang ang pagkakaroon ng sipon upang ipagpatuloy ang
gawaing bahay at ako'y nagpunas. Kung inaakala ng iba na nakakapagod ang may
ginagawa, iba naman naging pakiramdam nito para sa akin, parang lalo pa akong
lumalakas at sumisigla.
Matapos ang gawaing bahay at dahil wala ng maisipang gawin, pakikipag-textmate ang
aking inatupag. Muli nanaman bumirit ang ate ko sa bidyooke, gustuhin ko mang
kumanta, kaso'y di ko makayang gawin, ikinakatakot ko kasi na baka i-reject niya
ako lalo na't di pa kami lubusang magkaayos, ibig ko mang kausapin siya't
makipag-ayos subalit batid kong di niya ko pakikinggan at ganon ang kanyang
pag-uugali. Nakakawalang ganang magsalita kung sa palagay mo ang taong iyong
kinausap ay di naman nakikinig.
4r-c. Sumapit na ang hapon at oras na ng Siyesta subalit di
naman ako makatulog dahil sa maingay na bidyooke't walang patid sila ate sa
pag-awit. Upang maiwasan ang aking pagkarindi, naisipan kong lumabas at
magtungo sa computer shop. Habang nasa kumpyutera'y tamang nuod
lang ng nakakakilig na kwentong pag-ibig na Diary ng Panget,
kaso di ko ma-enjoy ang naturang movie pagkat
pahinto-hinto ang takbo ng video. Bakit ang Internet connection dito
sa Pilpinas, kapintas-pintas pagkat sadyang napakabagal pero kung
ikukumpara raw sa ibang bansa, singbilis ng kidlat at ihip ng hangin ang takbo
ng Internet. Kahit mabagal, pinagtiyagaan ko na lamang panoorin at
grabe, bukod sa nakakakilig ang bawat eksena, punong-puno rin ito ng katatawanan
kung kaya ang saya ng araw ko.
4r-d. Matapos magkumpyuter at sa halip na dumretso sa bahay ay naisipan ko
pang magtungo sa bahay nila Tita Jean upang bawiin
kay Itang ang Memory Card. Pagkatungo'y
nadatnan kong sarado ang bahay at walang nasagot kahit makailang ulit akong
sumigaw. Di ko pa ibig umuwi, kung kaya nagtungo pa ko sa bahay ni Auntie Cleng.
Laking gulat at di ako makapaniwala sa ibinalita ni Auntie Cleng pagkat
pinalayas daw si Tita Jean ni Tito Elbong.
Sa mga kinuwento niya tungkol sa nangyari sa kanila, di ko pa lubos na kilala
si Tita Jean kahit na ilang taon na kaming
magkakilala at di pa nakuntento, nagawa pa niyang manggamit ng ibang tao upang
mabayaran lamang ang kanyang utang, parang sasabog sa galit si Auntie Cleng habang
naglalahad.
4r-e. Maya-maya pa'y nagpaalam na ako sa kanila. Pagdating sa bahay, laking
gulat ko muli pagkat naroroon pala si Itang at ikinikwento kay
ina ang tungkol sa nangyari kila Tito Elbong. May pagkakataon na
sanang bawiin sa kanya ang Memory card subalit
baka mabuko ako ni ina na pinahiram ko siya kaya di ko na itinuloy. Maging
si Itang ay biktima rin ng panggagamit at napakawalang puso
niya naman. Dapat kung may obligasyong bayaran ang utang, huwag na sanang
mangdamay ng ibang tao pagkat bukod sa nakakahiya, nakagawa ka pa ng kasalanan.
Di na ko lumabas pa't nanatili na lamang sa bahay hanggang sa gumabi. May pasok
muli kinabukasan kaya di ko pa ibig matulog, kailangang matulog ng maaga upang
di atakihin ng pagkapungas sa paggising.
August 11, 2014
Monday
Year II-223
4r-f. Di pa man sumisikat ang haring araw at nanatili pa rin ang kadiliman sa
labas subalit dilat na ang mga mata't nag-almusal. Gawa na baka di muling
kumain sa oras ng Lunch break pagkat nagtitipid,
dinamihan ko na ang paglantak ng agahan upang iwas gutom mamaya. Pagkatungo sa
eskwela'y mangilan-ngilang kamag-aral ko pa lamang ang naroroon sa silid at di
ko lubos malaman kung bakit sila nagrerepaso sa General Psychology.
Laking gulat ko ng ipabatid sa aking ng kamag-aral na magkakaroon pala ng Quiz sa General Psychology,
sayang at di ako nakapaghanda pagkat inaakala kong di pa tapos ang lecture ni Ma'am Joyce para
sa Chapter na iyon at waring kay bilis naman. Aligaga ako sa
pagbuklat ng Workbook at sinamantala ang oras sa pagrerepaso
habang di pa dumarating si Sir Dalope.
4r-g. Habang dumarami, ang lalo pang pagsidhi ng ingay sa silid at nawawala
na ang konsentrasyon ko sa pagrerepaso. Kahit na nasa harapan na ang presensiya
ni Sir Dalope'y animoy
walang guro kung mag-ingay ang aking mga kamag-aral at mistulang palengke ang
silid. Ibig ko silang pagsabihan subalit huwag na lamang pagkat batid kong di
naman sila madadala at tila wala ring saysay ang pagkakaroon ng class
officer pagkat di rin nagsasaway. Maya-maya pa, lakas-loob ng
pinagsabihan ni Nicole ang mga kamag-aral ko't tanging
mapupusok niyang salita ang nagpatigil sa ingay. Bahagyang tumahimik naman
hanggang sa matapos ang Math time subalit muling
nanumbalik ang ingay sa pagkawala ng guro.
4r-h. Sa halip na makipagdaldalan at sa kagustuhang makakuha ng mataas na
marka, ako'y nagrepaso na lamang. Sabay tago ng nirerebyung manual pagpasok
ni Ma'am Joyce at todo pakiusap kami sa kanya na
sa susunod na pagkikita na lamang isagawa ang pagsusulit subalit nagmatigas ito
at bago ang Quiz, nagturo muna si Ma'am Joyce.
Habang isinasagawa ni Ma'am ang pagtuturo, lihim kong kinakabisado ang bawat
termino ng lesson at kakayamot lamang pagkat di tumatatak sa
aking isipan. Maya-maya biglang pumasok ang mga Psychology
Student at tinesting ang talas ng aming memorya sa pamamagitan
ng recall test. Magmula sa Prelim period hanggang
sa kasalukuyan ang naging coverage ng exam at
pilit kong inaalala ang mga itinuro subalit wa-effect at halos
mangamote na ako sa pagsagot. Nangangahulugan na di matalas ang memorya ko.
Dahil sa recall test, di na natuloy ang aming Quiz na
aming ipinagpapasalamat at kami'y lumabas na. Gawa na ako'y nagtitipid talaga,
tinapay lamang ang naging tanghalian ko.
4r-i. Matapos kumain, kasama sina Stella at Princess ay
nagtungo kami sa Library at doon ginawa ang Takdang-aralin
sa Social Science. Ang lamig na aking nadarama ang siyang
nagpapaantok at di ko mapigilang umidlip. Pagsapit ng Alas-dose, tumungo na
kami sa silid. Nagturo lamang si Sir Marvin tungkol
sa Katipunan. Mahusay magturo si Sir Marvin,
iyon nga lang ay hinahaluan niya ng katatawanan kaya sa halip na may matutuhan,
nababalewala lamang. Ilang saglit pa, uwian na't di pangkaraniwan ang init sa
labas at animoy summer. Habang lulan ng dyip, halos ikarindi ko ang
ingay ng dalawang baklang nag-uusap pagkat pasigaw at ang bilis pa man din
magsalita. Ang masaya nilang pag-uusap magkumare, nauwi sa iringin dahil lamang
sa ninakaw na Jersey at palitan sila ng maanghang ngunit
nakakatawang salita. Kami naman 'tong kasama nila, sa halip na pagsabihan ay
tawanan kami habang nag-ookrayan ang dalawang binabae't kala'y magsasabunutan
na pero di natuloy pagkat bumaba naman agad ang isang bakla't may pahawi pa ng
buhok.
4r-j. Nagwakas man ang away, di pa rin lubusang matahimik ang mundo namin
pagkat napakadaldal ng bakla't walang preno ang bibig subalit kahit kakairita
ang kanyang kadaldal'y nakakapagbigay aliw naman siya sa amin at dahil sa kanya
kaya may saya sa dibdib akong umuwi. Dala na kanina pa gutom na tila isang
taong di kumakain, halos makaisang balde ako sa paglantak ng pagkain at grabe,
nabusog ako ng husto. Matapos kumain at dala na rin ng antok, ako'y nag-Siyesta't
malapit ng mag-ikalima ako nagising. Sa aking paggising ay naging libangan ko
ang panonood ng telebisyon. Kaabang-abang ang istorya sa Ikaw Lamang pagkat
panibago na ang kabanata na panibagong kapapanabikan ng manonood at halos
pitong buwan ng umeere sa Filipino Primetime Television ang Ikaw
lamang, ang ganda kasi. Wala muling pasok kinabukasan kung kaya nagbasa
muna't malapit ng mag-ikalabing-isa ng maisipang matulog.
August 12, 2014
Tuesday
Year II-224
4r-k. Antok at pagod na bumabalot sa aking pagkatao, nanatili pa rin at tila
ibig pang palawigin ang oras sa pagtulog kung kaya mataas na ang sikat ng araw
ng ako'y magising. Sa aking paggising ay kakaibang sigla muli ang kaagad kong
nadarama't tila ginaganahan akong gawin kung anong ibig gawin kahit mabigat pa
iyan. Nakadagdag pa sa sigla ko ang maganda't napakaaliwalas na panahon at kung
pagmamasdan, napakalinis ng kalangita't animoy walang unos na daratal, sana
nga't maging sa buhay ay maantala muna ang pagdating ng problema. Batid naman
natin na hangga't tayo'y humihinga, may mga oras na magkakaroon ng problema't
di talaga iyon maiwawasan subalit huwag muna sana ngayon pagkat di pa ko handa
na kaharapin at batid kong walang pagsubok na di natin kakayanin.
4r-l. Matapos kong humigop ng mainit at manamis-manamis na kape, diretso
gawaing bahay ako. Dahil sa ako'y sinisipag, parang ibig kong linisin at
pagandahin ang loob ng bahay subalit limitado lamang ang aking kakayaha't
napapagod din. Nang masiguradong malinis na ang loob ng bahay at wala ng
alikabok na maaninag, saka pa lamang ako nagpahinga. Maya-maya, biglang pumasok
sa aking isipan ang magkumpyuter at itinuloy ko nga ang aking balak. Matapos na
magkumpyuter at sa halip na umuwi, naisipan ko pang magtungo sa bahay nina Tito Elbong upang
bawiin kay Itang ang aking memory card.
Madaling kausap naman si Itang at kaagad naman niyang isinuko
ang memory card, nagtagal pa ko sa kanila hanggang sa
magtanghali pagkat may pinag-usapan pa kami ni Tito Elbong.
4r-m. Nakakalungkot isipin para kay Amihan at Habagat na
wala na silang dadatnang pang Ina o makikita, paano'y mas inuna ang landi kaysa
asikasuhin ang mga anak at nararapat lamang sa kanya iyon. Pagdating sa bahay,
maanghang na bulalas na bibig ni Ina agad ang sumalubong sa akin at sindami ng
ulan na ibinuhos ng Bagyong Ondoy at Habagat ang
kanyang salita subalit nanamihik na lamang ako't di na binalak pang sagutin
siya. Ng mapagod ito, kusa naman itong tumigil subalit nawalan na ako ng ganang
kumain dahil sa panunumbat niya. Maya-maya'y nag-Siyesta na ako't
malapit ng sumapit ang takipsilim ng ako'y magising. Nakakabato't walang
maisipang gawin kung kaya panonood muli ng paboritong programa sa telebisyon
ang aking inatupag. Magkakaroon pala ng maikling pagsusulit sa General
Psychology at ngayon ko lamang naisip kaya matapos manood ng
telebisyon, ako'y nagrepaso. Di ko maiwasang maasar pagkat nahihirapan akong
isaulo ang mga termino na kinakabisado't nawa'y sing ganda ni Cinderella ang
matamo kong marka.Goodluck to me tommorow.
August 13, 2014
Wednesday
Year II-225
4r-n. Sarap pang humilata ng lagay sa kamang kay lambot at kahit ibig ko pang
matulog ay kailangan ng idilat ang mga mata't huwag ng hayaan pang pumikit
pagkat magpapatuloy sa pag-iral ang antok. Dala ng antok, naging mabagal ako sa
pagkilos kaya panay ang pag-aapura ni Ina sa akin subalit di naman ako nahuli
sa pagpasok. Habang ako'y naglalakad papasok sa gusali'y pagkabighani agad ang
namutawi sa aking dibdid ng masilayan ang panibagong tarpulin na nakapaskil sa
may bintana't sa maamo nitong ngiti't kutis bigas na balat ay animoy pinapawi
nito ang iyong pagod at antok at kakaiba ang kanyang kakisigin. Sa sobrang
pagmamadali'y di ko na natingnan pa kung anong pangalan niya. Pagkapasok sa
silid, wala pa si Sir Dalope, kaya sinamantala ko ang
oras sa pagrerepaso at lalo pa kong ginaganahan kapag naiisip siya. Diretso
tago ng workbook sa pagpasok ni Sir Dalope at
nagturo lamang siya about Radical Sign.
4r-o. Bago pa man umalis si Sir Dalope'y ibinigay na niya sa amin
ang Grade sa Math at abot langit ang aking
galak pagkat napakatayog ng nakuha ko para sa Prelim period at
nawa'y magpatuloy ang maganda kong nasimulan. Sa takot na makakuha ng itlog at
mapahiya, todo repaso talaga ang ginawa ko habang di pa sumasapit ang oras
ng General Psychology at kahit na nasa harapan
si Sir Dalope at nagtuturo. Ilang saglit pa, General Psychology na
subalit di pa dumarating si Ma'am Joyce, kaya ang aming
pagrerepaso, puspusan na. Anong kaba sa dibdib ang naranasan sa pagpasok
ni Ma'am Joyce at kinumpirma niyang magkakaroon
nga kami ng quiz, iyon nga lang ay di tulad ng sistema sa mga
naunang quiz pagkat oral Recitation.
Ilang saglit pa, nagsimula na ang oral Recitation at habang di
pa nababanggit ang pangala'y patuloy ako sa pagrerepaso. Pansamantalang
naantala ang oral recitation ng may dumating
na Psychology Students at nag-anunsyo.
4r-p. Mukhang humahaba na ang oras ng kanilang pagsasalita sa harapan at
nawa'y magtagal pa upang di na matuloy ang aming Oral recitation subalit
sa kasamaang palad ay natuloy pa rin. Nang ako na ang matawag, swerteng napili
ko ang question na kabisadong-kabisado ang sagot kung kaya
agad akong nakasagot. Sa sobrang galak ko, napasigaw muli ako ng wala sa oras.
Maya-maya’y lumabas na kami't as usual, di ako muli kakain pagkat
ako'y nagtitipid at tiis-gutom na lamang. Matapos kumain ng aking mga kasamahan,
nagtungo kami sa library at doon na nagpalipas ng oras.
Nakakabato kapag nakaupo ka lang kung kaya naisipan kong manghiram ng libro't
iyon ang pinagkaabalahan ko.
4r-q. Ilang minuto na lamang ang nalalabi bago sumapit ang tanghaling tapat
ng maisipan namin magtungo sa silid. Habang naglalakad ay muli kong nakita ang
pamatay niyang litrato't napakaganda ng kanyang pangalan na animoy pangdayuhan,
maging ang hubog ng mukha'y aakakalain mong di taga-rito't sana'y magkita kami.
Pagkapasok at patay! Pagkat ipinabatid sa akin ng kamag-aral ko na magkakaroon
kami ng maikling pagsusulit sa Social Science at di ako
nakapagrepaso. Nang magsimula ang quiz, bawat katunungang
ipinupukol ni Sir Marvin ay naging palaisipan sa
akin at halos mangamote na, ang resulta ay di katayugan ang natamo kong marka't
di man lang nakapasa. Matinding gutom na ang aking nadarama kaya sa aming
paglabas, kaagad akong kumain, street foods nga lang.
4r-r. Ilang sandali pa'y nagtungo na kami sa mismong harap ng Athletic
Center at nadatnang nag-eensayo na ang aking mga kagrupo, di naman ako
makasayaw pagkat bawal sa akin ang mapagod na siyang bumubuhay sa hika ko. Sa
halip na makisali sa kanila, naupo na lamang ako't pinanood sila. Nang makita
si Sir Anton, agaran kong ipinakita sa kanya ang Medical
Certificate, patunay na di ako maaring sumali sa sayaw dahil sa aking
karamdaman, kinonsidera naman niya agad ang aking apela at bigyan na lamang ng
gawaing di nakakapagod. Nakaupo na nga lang sa tabi't nagmumukmok, sa di
inaasahan at pinaghandaang pagnyayari'y biglang nanakit ang aking sikmura at
halos ikamilipit ko, parang tipong ibig ko ng ilabas ang itinatagong sama ng
laman subalit hiya ang pumigil sa akin.
4r-s. Buti na lamang at may dalang gamot ang kamag-aral ko, kaya kaagad naagapan.
Upang maiwasan ang pagkabato, nagbasa na lamang ako ng hiniram na libro
sa Library. Ilang saglit makalipas, performance na
ng aking mga kamag-aral at laking inggit ko pagkat di man lang ako makasayaw.
Biglang naantala ang performance ng may isang gurong
nagtungo't ipinatawag si Sir Anton. Pagkabalik ni sir,
bigla niyang inanunsyo na sa susunod na pagkikita na lamang idaraos ang Performance at
kami'y tuwang-tuwa pagkat naging maaga ang uwian. Diretso lamon ako ng
nakahaing ulam pagkauwi't matapos ay nanood ng telebisyon. Di pa man sumasapit
ang ikasampo ng gabi ng maisipan ko ng ihimlay ang sarili sa kama at
labis-labis ang aking pagkahapo.
August
14, 2014
Thursday
Year II-226
Thursday
Year II-226
4r-t. Pagkadilat pa lamang ng matang kagagaling sa pagkahimbing, nanlaki ng
husto ang mata ko sa gulat pagkat malapit na palang mag-ikawalo. May
pagmamadali ako sa pagkilos sa takot na malingilan ng aming guro. Lalo pang
tumaas ang posibilidad na mahuli ako sa pagpasok pagkat naging usad pagong ang
trapiko't pagkarating sa eskwela'y marahan ako sa pagpasok sa silid at laking
pangambang baka mapagalitan ni Sir Arnold pero di
naman pala't nginitian niya lamang ako. Nag-uulat na ang ilan kong kamag-aral
ng ako'y pumasok at matapos ang pangkatang pag-uulat, inanunsyo na ni Sir kung ano
ang natamong grado namin sa Filipino't bago pa man mabanggit ang pangalan ko'y marami-rami na ang
nakakuha ng pasang-awa, kung kaya di ko mapigilang kabahan pero ng inanunsyo ni
Sir ang naging grado ko, napalitan ng galak ang aking nadarama sapagkat mataas
ang nakuha ko, mangilan-ngilan lamang ang tagilid ang grado. Nawa’y magpatuloy
ang maganda kong nasimulan at di sana maging Ningas-kugon.
4r-u. Maganda ring pagkakataon na magkaroon ako ng inspirasyon pagkat kapag
ikaw ay inspire, bukod sa napapalakas nito ang iyong loob, mas lalo
mo pang pinagbubuti ang iyong gawain.
Maya-maya'y nagtungo na kami sa Auditorium pagkat
may Film showing sa English. Maganda sana
ang palabas at Enjoyable panoorin subalit gawa na di ko
nasimulan, di ko na pinanood pa't pakikipag-textmate na lamang ang
aking inatupag. Matapos ang aming Film showing ay dumretso
agad kami sa Canteen upang kumain subalit sila lamang at di
ako muling kumain, gayon talaga kapag nagtitipid at determinado kang makaipon
ng limpak-limpak na salapi subalit tama si Rica, di ko dapat tinitipid
ang sarili pagkat nabili mo nga ang iyong gusto subalit pagkakasakit naman ang
kapalit at ng sinabi niya iyon, napilitan akong bumili ng ulam.
4r-v. Maya-maya, kasama sila Eric ay nagtungo naman kami
sa Hilltop square at doon nagpalipas ng oras. Daig pa ng
mag-asawa't magkasintahan kung mag-arung-ungan sina Eric at Anne
Rose at tila walang kapaguran sa barahan pagkat kanina pa nila
ginagawa iyon, ako naman itong tahimik at pilit silang pinapatigil subalit
ganun talaga ang mangyayari kapag malapit ng dumating sa stage ng Relationship. Ilang sandali pa'y
lumakad na kami patungong Laboratory. Wala pa roon si Sir Jasper kaya
tumambay muna kami sa labas ng laboratoryo, mabilis pa sa ihip ng hangin ang
pagpasok namin ng pumasok si Sir Jasper at
nangturo lamang about Molar mass and
Emperical Formula at napakadali ng Lesson kaya
kaagad kong nauunawaan, isa pa'y itinuro na iyan sa akin ni Sir Sellona nung
ako'y High School pa lamang. Naalala ko tuloy siya habang
itinuturo iyon ni Sir Jasper. Matapos magturo'y nagkaroon kami
ng Seatwork at kahit na nasa Kolehiyo na, laganap pa rin ang
kopyahan.
4r-w. Sa dali'y kaagad ko rin naman natapos ang seatwork. Mga
bandang Alas-kwatro na ng lumipat kami sa Silid at About
Molecular Formula and Balancing the Chemical Equation naman
ang itiunro sa amin ni Sir.
Ang kaninang nadadalian ay tila kasalungat naman ngayon pagkat hirap
kong unawain ang lesson kahit aware na ako sa
sinasabi ni Sir. Inaral ko talaga ng husto ang lesson at sa
wakas, naunawaan ko rin. Di naman magkaintidihan habang nagpapaturo kay Sir
pagkat nuknukan sa ingay ang silid at lalo pang sumidhi ng uwian na. Parang mga
hangal kung magtitili ang mga kamag-aral ko at halos ikawasak na ng Eardrum sa
ingay kung kaya, kaagad na akong umalis. Wala nanaman akong kasabay sa pag-uwi
subalit di pa man umaandar ang bus ng biglang umakyat si Eric at
nagtabi kami. Lahat ng ibig kong sabihin sa kanya, nasasabi ko muli't nakikinig
ito.
4r-x. Pagdating sa bahay, nakakabinging tugtog ng karaoke ang sumalubong sa
akin at sadyang napakaligalig. Sa ingay sa labas, di ko tuloy
marinig ang pinapanood na paboritong programa gabi-gabi . Tumahimik naman ang
kapaligiran pagsapit ng Alas-dyis. Dahil kasali ako sa paggawa ng tula't sa
Lunes na iyon gaganapin, bago matulog ay gumawa muna ako ng tula. Sa lalim ng
mga salita na kailangang ilahok sa pagsulat ng tula't kailangan pa may
magkaparehong sukat at magkatugma sa bawat dulo ng talata, halos sumakit ang
ulo sa kakaisip ng mga salitang aangkop sa tula. Kahit paano'y may nasimulan
rin ako subalit dadalawang saknong pa lamang ang aking nabubuo't naisipang
ipagpabukas na lamang. Sana bukas, may sapat ng kakayahan ang aking isip upang
makalikha ng masining at madamdaming tula. Ang hirap pa lang maging Poem Writer at
tungkol pa man din sa wikang pagkakaisa ang tema ng tula.
August 15, 2014
Friday
Year II-227
4r-y. Inabot na nga ako ng hating gabi bago matulog dahil naging abala sa
paglikha ng tula kung kaya't ako na lamang pala ang di gising sa aming
magkakapamilya ng ako'y dumilat at di nagpaligoy-ligoy pa sa pagbangon.
Hanggang ngayon, kahit nakapagpahinga na ang aking isipan ay nahihirapan pa rin
akong mag-isip ng mga salitang pwedeng ilapat sa tula na tipong kapukaw-pukaw
sa damdamin ng mambabasa. Buong umaga, paggawa ng tula tungkol sa Wikang
Pagkakaisa ang aking inatupag at talagang nahirapan ako pagkat kailangan ay
aangkop sa tema ang paggawa ng tula. Kung tungkol lamang sa Pag-ibig, sa Diyos
o Kalikasan ang tema ng tula, tiyak na agad ko iyon matatapos at may sense pa
ang nilalaman ng tula.
4r-z. Sa tulang aking nalilikha'y tila di makasining kung babasahin
subalit ipapagpatuloy ko pa rin ang pagsali sa patimpalak at di panghihinaan ng
loob, wala namang masama kung ikaw ay sumali sa patimpalak at huwag pagsisihan
kung sakaling matalo, ang mahalaga'y sinubukan mo't naipakita ang iyong angking
galing. Kaya kahit di mukhang papatok sa mambabasa ang nilikha kong tula'y di
na problema iyon at hanggang may oras ay mas lalo ko pang pag-iigihan ang
konsepto ng tula. Malapit ng tumanghali't sa wakas at natapos ko rin ang tula't
diretso type sa kumpyuter. Nawa'y isa ang tula ko sa mapili't
kung sakaling hindi, hindi ako panghihinaan ng loob na sumali sa iba pang
patimpalak, malay natin baka palarin sa susunod na sasalihang patimpalak at
mag-uuwi pa ng papremyo. Di ako nakapag-agahan kaninang umaga pagkat inuna ko
ang paggawa ng tula kaya labis ang aking gutom.
4s-a. Nagluluto pa lamang si ina kaya tiis gutom ako't matiyagang naghintay.
Mabilis pa sa Alas-kwatro ang pagsunggab ko sa ulam ng makaluto't wala akong
pasubali sa pagbanat ng pagkain. Matapos kumain, kinabisado ko na ang nilikhang
tula't kaagad ko naman iyon nakabisado subalit sa init na dala ng raw, tinamad
na ako. Pagsapit ng hapon ay nagtungo ako sa Computer shop,
di ako nagtagal pa pagkat napakadilim na ng kalangitan at nagbabadya na ang
buhos ng ulan. Buti lamang at nakauwi na ako ng bumuhos ang ulan subalit may
sindak sa aking dibdib pagkat nakulog at nakidlat na siyang aking ikinasidhi ng
takot. Di naman nagtagal ang Thunderstorm at kaagad na
lumiwanag ang kalangitan. Maaga pa ako magigising bukas at ayaw ko ng maulit pa
ang nangyari ng isang araw kaya matapos manood ng telebisyon, kaagad na akong
natulog.
August 16, 2014
Saturday
Year II-228
4s-b. Malapit ng sumapit ang ikapito ng ako'y dumilat at kasabay ng aking
pagdilat ay may kung anong sigla sa dibdib na aking nadarama na siyang
nagpagana upang pumasok ng maaga. Hindi naman ako nahuli sa pagpasok at may
natitira pang ilang minuto bago magsimula ang aming klase. Tamang kain lang
ng street foods habang naghihintay ng oras at ilang saglit pa
ang lumipas ay nagtungo na kami sa silid. Nagturo lamang si Sir Arnold at
sa oras na may tanungin si Sir ay kanya-kanyang lahad ng opinyon ang aking mga
kamag-aral, hiya ang nanguna sa akin kung kaya di ko magawang magtaas ng kamay
subalit nilabanan ko ang aking hiya at ano naman sa kanila kung magsalita ako,
dagdag puntos rin kapag ika'y nagre-recite at ng
makapagsalita, parang gumaan ang pakiramdam ko ng makapagsalita't lalo pang
lumakas ang loob. Bago umalis si Sir Arnold, may
mahalaga siyang inanunsyo at ukol iyon sa gaganaping sabayang pagbigkas.
4s-c. Matapos ang mahalagang announcement, lumipat na kami ng
silid. Sa oras ng English ay nagtsek lamang kami ng quiz nung
nakaraang linggo, hindi ako natuwa sa naging resulta ng aking pagsusulit at
matapos ay nagkaroon kami ng seatwork, sa halip na diretso sagot
na'y kailangan ko pang kopyahin ang tanong sa workbook ng
kamag-aral at ang hirap talaga ng buhay kapag walangworkbook. May
nalalabi pang oras kung kaya nakapagturo pa si Ma'am Mactal about
Pronouns. Ilang saglit pa'y lunch break na
namin at sa Hilltop square naisipang kumain, kulang na kulang
ang allowance ko pambili ng mga putaheng nakahain kung kaya't
nag-drinks na lamang ako.Matapos kumain ay nagtungo na kami
sa Laboratory at magkakaroon pala ngExperimentation,
sayang lamang pagkat nakalimutan kong dalhin ang Laboratory gown.
4s-d. Habang nakapila't kumukuha ng materyales na kakailanganin sa Experiment ay
biglang tinanong ng taga-assist kung sino ang guro namin at sinabi
ko naman kung sino siya, di ko akalain na sasabunin niya kami't upang di na
lalong malagay sa kapahamakan ang pangalan ni Sir Jasper,
pinagsabihan ko ang iba kong kamag-aral na huwag ng mag-ingay subalit tila
binabalewala nila ako't nagpatuloy pa rin sa pag-iingay, doon na ako nabwisit
at sa bwisit ay napasigaw ako't aksidenteng kinabig si Joan, sa
halip na si Joan ang magalit, si Mika pa ang
may ganang magtanim ng hinanakit sa akin at di ko malaman ang dahilan. Dahil sa
nagawa ko kay Joan, humingi ako ng paumanhin sa kanya't subalit
sinabi niyang kay Mika raw ako mag-sorry. Sa aking
pagkakaalam ay wala naman akong ginawa kay Mika kung kaya't di
ko na nagawang pang kausapin ito.
4s-e. Naging abala ang halos lahat sa amin sa pag-e-experiment ng Chemicals at
halos mawili kami ng ilagay ang chemical sa apoy at nag-iiba
ang kulay nito na animoy fireworks display, di pa
nakuntento't kahit tapos na ang experiment ay pinagdiskitahan
namin ilagay ang bawat chemical sa apoy at nag-iiba ang kulay
nito na kakamanghang pagmasdan. Maya-maya'y nagtungo na kami sa Silid at
nagturo si Sir Jasper. Sa ingay ng ilan kong kamag-aral na waring
di ibig makinig, di ko maintindihan ang itinuturo ni Sir. Nakakawalang gana ng
makinig kung kaya nakipagkwentuhan na lamang ako kina Anne Rose.
Pagkasilip sa bintana'y akala ko'y gabi na subalit nagbabadya muli ang buhos ng
ulan. Ang atensyon ko na sa halip maibaling kay Sir Jasper ay
nasa kapaligiran na't sunod-sunod ang pagkulog at kidlat na sinabayan pa ng
hangin.
4s-f. Ilang sandali pa'y bumuhos na ang malakas na ulan at animoy bagyo sa
lakas nito. Matapos magturo'y nagkaroon kami ng Quiz at halos
mangamote ako pagkat di ko alam kung paano i-solve, nagpatulong na ko sa
matatalino kong kamag-aral subalit maging sila'y wala ring alam. Maya-maya,
lundagan na may kasamang hiyawan ng inanunsyo ni Sir Jasper na take home
Quiz na lamang iyon. Pagdating sa bahay, kaagad akong kumain at
matapos ay nanood ng Telebisyon. Maganda muli ang istorya sa MMK pagkat
tungkol iyon sa naging buhay ng kauna-unahang batang kampyon ng The
Voice kids na si Lyca Gairanod, sa kabila ng kanyang
kahirapan, nagawa pa rin mangarap ng bata at ngayo'y natupad na. Sana’y maging
isang magandang halimbawa para sa mga batang kapus-palad at nawawalan na ng
pag-asang gumanda ang buhay ang palabas sa MMK at sobrang
nakaka-inspire. Diretso tulog ako matapos ang panonood ng telebisyon.
August 17, 2014
Sunday
Year II-229
4s-g. Sa kasarapan muli ng aking tulog, malapit ng sumapit ang ikawalo ng
magising, sa aking paggising ay kakaibang kaba ang aking nadarama sa halip na
sigla pagkat bukas na gaganapin ang paglikha ng tula. Matapos kong humigop ng
mainit-init na kape'y agaran kong kinabisado ang aking tula subalit tila
nabubulol ako't minsan nawawala. Saka lamang ako huminto sa pagkakabisado ng
makabisado ko na talaga at maperpekto. Sana’y mapili ang tula ko't di ako ma-mental block sa
paglikha nito. Maya-maya pa'y gawain bahay muli ang inatupag ko't dami ko
muling nalikom na alikabok kahit di naman kagandahan ang sikat ng araw kahapon
at nag-uulan-ulan pa.
Nang masiguradong malinis na ang buong bahay, ako'y nagkumpyuter subalit
di ako nagtagal pagkat biglang bumuhos ang malakas na ulan. Sa lakas ng ulan,
marami muling mga tsikiting ang nagsiliguan. kahit daglian lamang ang ulan,
nagdulot pa rin ito ng pagtaas ng agos sa Sapa.
4s-h. Walang maisipang gawin at labis akong nababato kung kaya panonood ng
telebisyon ang aking inatupag. Matapos manood ng telebisyon, ako'y nag-Siyesta't
malapit ng mag-ikaapat ng maisipang magising. Kinagabihan, habang magkakasama
kaming nanonood ng Rated K ay may kung anong
sigawan ang aming narinig.
Sumilip ako sa bintana't malatigre kung magwala ang kapitbahay namin,
lahat ng bagay na makapa'y agaran niya itong binabalibag. Di namin
malaman kung ano ang dahilan at wala na kong balak alamin kung ano ang ugat ng
kanilang pag-aaway. Dahil sa walang humpay na talakan, nahirapan ako sa
pagtulog at nakakadisturbo sila. Malapit ng mag-ikalabing-isa ng tumahimik ang
kapaligiran na siyang aming ipinagpapasalamat. Kahit taimtim na ang
kapaligiran, di pa rin ako makatulog dahil sa kabang aking nadarama subalit isa
ang kaba sa hadlang para sa iyong balakin kung kaya di dapat ito pairalin at
iwaksi.
August 18, 2014
Monday
Year II-230
4s-i. Nahihirapan pa ring idilat ng husto ang mga mata gawa na inaantok pa
subalit sinubukan pa ring idilat at bumangon. Ang kaba sa dibdib na kahapon ko
pa nadarama, lalo pang sumidhi at nagdadalawang isip na kung itutuloy pa ba ang
pagsali o huwag na lang. Ayaw ko naman isipin sa sarili na mahina ang loob ko
kapag di itinuloy ang balak dahil lamang sa kaba kung kaya sasali pa rin ako't
di na mahalaga kung mapipili ba o hindi ang nilikhang tula, basta sinubukan ko
at mataas ang matatamong marka sa kaugnay na asignatura. Kahit na ganon ang
isipin ko, di ko pa rin maiwasang kabahan at bahala na talaga. Pagkarating sa
eskwela, biglang napawi ang kaba sa dibdib ng muli kong masilayan ang aking
inspirasyon na nakapaskil sa Tarpulin
at buti pa siya, malayo na ang kanyang narating at nakapunta pa nga sa Abroad,
sana kung ano ang kanyang tinatamasa'y matamasa ko rin at pangarap kong
makapunta sa ibang bansa. Kaya ko 'to at di ako uurong.
4s-j. Wala pa si Sir Dalope kung kaya lihim ako sa
pagkakabisado ng tula't dinadagdagan kapag may bagong salitang pumasok sa
isipan. Ilang sandali pa'y dumating na si Sir Dalope at
nagturo lamang tungkol sa Radical sign. Matapos magturo, nagkaroon kami
ng Class Recitation at nabibilang lamang ang
nagtataas ng kamay. Kung sino pa yung tahimik, siya pa ang active sa
klase samantalang nga-nga ang mahilig mag-ingay pagdating sa Recitation.
Matapos ang Recitation, nagkaroon naman kami ng seatwork subalit
dahil kinapos na sa oras, laking tuwa namin pagkat homework na
lamang iyon. Sa oras naman ng General Psychology, panibagong lesson muli
ang itunuro ni Ma'am Joyce sa amin. Interesting ang Lesson kung
kaya't tutok ang mata ko sa pakikinig sa kanya subalit biglang naantala ang
kanyang pagtuturo ng mapansin nitong di nakikinig ang ilan kong kamag-aral at
panay ang kwentuhan.
4s-k. Sa tagal ng panahon na guro namin si Ma'am, ngayon lang siya nagpakita
ng galit at madiin-diin ang kanyang pananalita, nararapat lamang na ipakita
niya iyon upang magtanda sila't maging tanda iyon sa mga ayaw makinig sa guro.
Naipagpatuloy pa rin naman ang pagtuturo ni Ma'am kahit ito'y nanermon. Ilang saglit pa'y
lumabas na kami't sila Anne Rose muli ang nakasama ko sa
kainan. Sa tuwing nagtatabi si Anne Rose at Eric ay
parang dinaig pa nila ang bata kung magharutan at panay pa ang hampasan sa
isa't isa subalit kapag tinatanong ko si Anne rose, todo tanggi ito
na may namamagitan sa kanila. Dahil sa ako'y nagtitipid at sa kagustuhang
makalikom ng limpak-limpak na salapi, maibili lang ang ibig bilhin ay di muli
ako kumain at naisipang sa bahay na lang bumanat.
4s-l. Mga bandang Alas-onse, kasama si Allyson ay nagtungo
na kami sa Auditorium subalit sinabi nila na mamayang
Alas-dose y medya pa gaganapin ang patimpalak sa paglikha ng tula. Pagkabalik
ko kung saanman ako naroroon ay ipinabatid sa akin nila Precious na
wala raw kaming klase sa Social Science at manonood lamang
ng Film Showing, tuwa ang namayani sa dibdib pagkat di na kailangan
pang gumawa ng Excuse letter. Pagsapit ng Alas-dose, tuluyan na
akong nagpaalam kila Anne Rose at nagtungo na sa Auditorium.
Mangilan-ngilang kalahok pa lamang ang nadalo't di pa nagsisimula ang contest kung
kaya umidlip muna ako.
4s-m. Ilang sandali makalipas, ang naturang patimpalak ay nagsimula na't
inanunsyo ng Professor sa Filipino ang
Krayterya ng tula na dapat sundin at kailangan ay di baba sa limang taludtod
ang bawat saknong at di naman baba sa pitong saknong ang nilalaman ng
tula. Kahit kabisado ko na ang tula, napaisip pa ako't talagang nahirapan sa
paggawa. Di ako sigurado sa mga salitang nilalapat kung aangkop ba iyon sa
paksang ibinigay sa amin. Inabot ako ng halos isang oras sa paglikha ng tula't
hiya ang umiral sa dibdib habang ipinapasa sa Professor. Pagkapasa
ng tula, kaagad na akong umuwi't sa wakas, natapos rin at makakahinga na ng
maluwag. Dahil di ako kumain kanina, labis ang gutom pagdating sa bahay. Buti
na lamang at may pagkain sa Pridyider kung kaya iyon ang nilantakan ko. Matapos
kumain, at dala na rin ng pagod, ako'y natulog na.
August 19, 2014
Tuesday
Year II-231
4s-n. Kaarawan ng ating ama ng wikang pambansa na si Manuel Quezon na
ngayon ay gunugunita kung kaya walang klase o opisina sa buong lungsod. Marapat
lamang na parangalan ang dating pangulong Quezon at kilalanin
bilang ama ng wika pagkat iba't iba mang dayalekto ang umiiral sa ating bansa
na dati'y di nagkakaisa at nagtatalo pa sa wikang kinagisnan, dahil sa batas na
ipinatupad ni Quezon na naglalayon na magkaroon tayo ng wikang
pagkakaisa, tayo'y nagkasundo't nagkaunawaan kahit na iba-iba man ang
dayalektong ating winiwika. Tirik na ang haring araw sa labas ng ako'y dumilat
at kaagad na nag-almusal. Dahil walang pasok, may sapat na oras akong gawin ang
ibig gawin.
4s-o. Nang makapag-agahan, gawaing bahay agad ang aking inatupag, napakarami
ko ng ginawa subalit ni kakarampot na pagod ay di man lang nagparamdam sa buo
kong pagkatao't pakiwaring ang lakas-lakas ko. Di ko ibig na paupo-upo lamang
kaya ng masiguradong malinis na ang bahay ay naisipan kong magtungo sa Computer
shop. Nasarapan ako sa pakikipag-chat at post ng Quotes and
jokes kung kaya di ko namalayang sumapit na tanghaling tapat. Habang
naglalakad pauwi'y halos ma-dehydrate sa tindi ng init at
animoy Summer pa rin, halos maligo na ko sa sarili kong pawis
pagdating ng bahay at diretso ligo ako. Ang kaninang napakaalinsangan ng
panahon na halos ikatigang mo na, biglang kumulimlim pagsapit ng hapon.
Maya-maya pa'y dumilim na ang kalangitan na animoy hating-gabi na't sinabayan
pa ng pagkulog at pagkidlat kaya labis muli ang takot sa aking dibdib. Ang mga
bata naman, sabik na sabik sa muling buhos ng ulan at di na magkandamayaw.
4s-p. Ilang saglit pa, bumuhos na ang ulan at animoy sinlakas ng
nagdaang Bagyong Glenda sa lakas ng ulan at hangin
at muntikan ng bumaha. Inabot ng dalawang oras ang pagbuhos ng ulan subalit
laking pasalamat namin pagkat wala namang pagbahang naganap. Di man kami binaha
subalit grabe ang baha sa ibang lugar na abot hanggang leeg ang taas at marami
ring mga sasakyan ang tumirik na. Buti na lamang at walang pasok kung kaya di
naipit ang mga kababayan natin sa bigat ng trapiko. Dahil walang magawa't di
naman makalabas ng bahay dahil sa sungit ng panahon kung kaya panonood na
lamang ng telebisyon ang aking inatupag. Matapos manood at maaga pa magigising
bukas, kaagad na akong natulog at naging napakalamig ng gabi.
August 20, 2014
Wednesday
Year II-232
4s-q. Pumatak na ang ikalima ng umaga ng dumilat ang dalawa kong mata subalit
hirap idilat ng buti pagkat namumutawi pa rin ang antok sa buo kong pagkatao at
tila ibig ko pang matulog subalit may pasok na kami ngayon at ayaw ko ng
lumiban ng klase dahil lamang sa inaantok. Ang kahapong napakasungit ng panahon
na nagdulot pa nga ng baha'y kasulungat ng umagang kay aliwalas na tila
magiging maaraw sa maghapon. Kahit akala'y maaliwalas sa umaga, asahang uulan
pa rin tuwing dapit-hapon na katulad rin sa tao na sa simula'y masipag pero
tinatamad na sa kinalaunan at ugali na talaga nating mga Pinoyang
pagiging Ningas-kugon. Wala pa ang aming guro pagkatungo sa eskwela at dahil
magkakaroon ng pagsusulit sa General Psychology, pagrerepaso ang
inatupag ko sa halip na makipagdaldalan.
4s-r. Ilang saglit pa'y dumating na ang aming guro at nasorpresa kami pagkat
may long test sa Math, kahit di nakapagrepaso'y
naging madali pa rin ang pagsusulit. Ang inakalang magkakaroon rin ng
pagsusulit sa General Psychology, nagkakamali at di pa
nga natuloy pagkat ang ilan kong kamag-aral na kasali sa sabayang pagbigkas ay
humingi ng pahintulot kay Ma'am upang gamitin ang oras sa pag-eensayo. Sa bait,
agarang pumayag si Ma'am Joyce sa kanilang dulog at kami-kami
na lamang ang natira sa silid. Kahit na di tuloy ang quiz,
nagkaroon naman kami ng activity at habang nagkukwentuhan kami
nila Precious na may kasamang hagikhikan ay takot agad ang
umiral sa dibdib ng tawagin ni Ma'am at inutusan doon magsagot malapit sa
kanya. Iyon pala'y may itinanong siya sa akin at napakwento naman ako.
4s-s. Sa mga ipinayo sa akin ni Ma'am ay pakiwaring concern ito
sa 'kin at napakabait talaga ni Ma'am. Marami pa kaming napagkwentuhan ni Ma'am
Joyce at di akalaing magkakaroon ng ka-close na professor. Di ko kaagad natapos ang pagsagot
sa activity dahil sa kanya't sa hiya'y may pagmamadali ko
itong tinatapos. Iba ang pakiramdam ko kapag nakikita o nakakaharap si Ma'am,
magaan at napapangiti ako dahil sa palangiti ito na nagpapabata sa kanyang
kaanyuan. Nasa trenta na marahil ang edad ni Ma'am pero parang nasa bente pa
lang kung pagmamasdan. Ilang saglit pa'y lumabas na kami. Habang naglalakad at
iniisip kung saang karinderya ibig kumain ay biglang nag-aya sina Precious na
kumain sa Jolibee.
4s-t. Di gasinong karami ang hawak kong salapi at isa pa'y nagtitipid ako
subalit ayaw kong maging pamatay saya sa mga kasamahan kaya pumayag na ko.
Sa Jolibee namin naisipang kumain at Sundae lamang
ang kinain ko gawa na naghihigpit ng sinturon. Wala na sa akin kung masarapan
sila sa kinakain o mabusog basta makaipon ako. Maya-maya'y bumalik na kami sa
eskwela. Wala kaming klase sa Social Science dahil sa kakaunti
lamang ang magsisipagdalo at karamihan sa kamag-aral ay abala na sa pag-eensayo
pagkat ngayon na gaganapin ang kompetisyon ng Sabayang pagbigkas. Wala kaming
ginawa kundi ang magkwentuhan at gumala.
4s-u. Makalipas ang mahigit sa dalawang oras, nagtungo na kami sa Athletic
Center upang manood ng sabayang pagbigkas at suportahan na rin ang mga
kamag-aral na sasabak sa patimpalak. Nawa'y palarin silang manalo pagkat kita
ko sa mukha nila ang hirap at kung gaano sila naghanda. Naging magaling at
sabay-sabay ang unang limang kalahok at well organized pa ang
konsepto ng performance. Ng sila na ang sumalang ay todo cheer kami.
Mahusay ang ipinakita ng pagbigkas at kumpas ng kamay sa una pero nahahalata ko
na ang mintis sa kalagitnaan at tila di na kabisado ang sasabihin. Dahil diyan
ay maliit na ang posibilidad na palarin sila subalit magkaganun man ay buong
puso pa rin namin silang ipagmamalaki at sinusuportahan. Habang kami'y papaalis
na ay bigla na lamang sumakit ang tiyan ko dahil sa gutom. Bago umuwi'y kumain
muna ako at diretso Siyesta pagkarating ng bahay. Sa sarap ng
tulog, malapit ng gumabi ng ako'y gumising at sayang pagkat di ko pa naidiretso
ang tulog hanggang umaga. Dahil walang maisipang gawin ay tamang relax lang
sa higaan habang nanonood ng telebisyon. Maya-maya pa, natulog muli ako.
August 21, 2014
Thursday
(Ninoy Aquino Day)
Year II-233
4s-v. Mukhang sagana ang bansang Pilipinas sa mga Holiday pagkat
wala muling klase sa eskwela maging sa tanggapan at opisina upang gunitain
naman ang araw kung kailan pinaslang si Ninoy. Kung ako'y nabubuhay
lamang sa panahon ni Marcos ay malamang ay grabe ang hirap na dinadanas
ng mga Pinoy sa kanyang pamumuno at wala kang layang gumala o
ilahad ang saloobin dahil sa umiiral na Martial Law. Ang tapang
talaga ni Ninoy at kahit batid niyang matibay na pader ang
kanyang babanggain, binangga niya pa rin, mapabagsak lamang ito at karapatdapat
siyang maging bayani pagkat tanging siya lamang ang tumuligsa sa pamumuno ng
diktador at napakalupit ni Marcos. Salamat na nga lang sa ina ng demokrasya na si Cory, kundi
dahil sa kanya'y tinatamasa natin hanggang ngayon ang demokrasya at
pantay-pantay ang hatol sa mamamayan kahit makapangyarihan pa yan.
4s-w. Kaya nga pansin ko sa kasalukuyan ay malaki ang pinagbago ng
masang Pilipino pagkat di lang nila magustuhan ang pamamalakad
ng pinuno'y agad-agad na nagpoprotesta at mas palaban kaysa dati na
pinapangunahan ng takot. Dahil walang pasok, malapit ng mag-ikawalo ng gumising
ako at diretso gawaing bahay agad ang inatupag. Matapos maglinis ay naisipan
muling magkumpyuter upang aliwin ang sarili. Habang abala sa paglalaro ang di
inaasahang pagdating ng bisita na sila Tita Arlene at Tita
Gladys at nakipagkwentuhan.
4s-x. Malapit ng tumanghali ng magpaalam sila sa amin. Medyo bored ako
kapag nasa bahay lamang kaya naisipan kong manood ng telebisyon at ang saya
talaga ng buhay kapag nanonood ka ng Baliwan Cinema at
wala ng pake kahit sabihing mukha kang baliw sa kakatawa basta para sayo'y iyon
ang nagpapasaya sa buhay. Diretso tulog ako matapos manood ng telebisyon.
Madilim nanaman ang kalangitan ng ako'y gumising at nagbabadya muling bumuhos
ang ulan at ganito parati ang lagay ng panahon dito sa Kalakhang Maynila tuwing
hapon at pabago-bago, kaya maraming
dinadapuan ng sakit. Maya-maya'y bumuhos na ang malakas na ulan subalit agad
ring tumila. Kinagabihan, panonood muli ng paboritong programa ang inatupag ko
at marahil ay parte na ng buhay ko ang manood ng dramagabi-gabi at
di kumpleto ang gabi ko kapag di iyon ginagawa.
August 22, 2014
Friday
Year II-234
4s-y. Hindi pa natatapos ang maliligayang araw ko pagkat wala pa ring pasok dahil
sa Free day naman namin ngayon at di muling maaga magigising
subalit di na ko inaantok pa kaya Alas-sais pa lang ay kaagad ng bumangon at
nagkape. Mukhang maaliwalas muli ang panahon kaya matapos magkape, ako'y
naglaba at tamang-tama ang lagay ng panahon sa mga balak maglaba. Bahagya akong
nakaramdam ng pagod matapos maglaba at nagugutom na rin kaya pagkain na agad
ang nasa isip ko, kaso nga lang ay di pa nakakapagluto si ina. Pansin ko lang
sa pangangatawan ko pagkat malakas ako kung kumain pero di naman tumataba at
ganun talaga kapag ipinanganak kang Sexy. Nang may maluto ay diretso tungo ako
sa kusina at banat agad ng nalutong ulam, ganito parati ako kapag tanghalian,
palamunin at parating umaasa sa malulutong ulam. Kung marunong lang magluto
bakit hindi ko gagawin ang gawaing kusina. Matapos kumain, siyempre ay Siyesta time.
4s-z. Di nga lang makatulog sapagkat ang ingay ng mga batang naghaharutan at
pagkabuwisit ang namutawi sa dibdib. Ganito talaga sa lugar namin, sa dami
ng nakatira'y di maiiwasan ang ingay at dapat ng masanay pagkat di mo
makokontrol ang iyong kapaligiran. Ang pag-uugali nga ng mga tao depende sa
lugar na kinalakihan nila. Kung ang lugar ay tahimik, tahimik rin siya at di
palakibo pero kung maingay at notorious pa ang
inyong lugar, asahang sakit sa ulo ang taong makakasalamuha mo't mabibingi sa
kadaldalan niya. Pagkagising, agad akong dumeretso sa Computer shop.
Medyo naaliw sa pag-online sa Facebook at panonood
ng Parody sa Youtube kaya di ko namalayang
malapit ng gumabi at kailangan ng umuwi. May pasok muli kinabukasan kaya
diretso tulog ako matapos manood ng telebisyon.
August 23, 2014
Saturday
Year II-235
4t-a. Hindi pa man sumisikat ang haring araw ng ako'y magising. Medyo
nasa mood ako ngayon kaya naeenganyo sa pagkilos at pagpasok
sa eskwela at sana'y magtuloy-tuloy hanggang sa matapos ang araw na ito. Mga
Alas-otso na ng umaga ako umalis at pagdating sa eskwela, ipinabatid sa akin ng
kamag-aral na wala kaming klase sa oras ng Filipino pagkat may
mahalagang lakad raw si Sir Arnold. Nakakainis lang pagkat ang aga
kong nagising subalit wala pala kaming klase sa First period. Dahil
walang klase sa Filipino period, naisipan namin
ni Anne Rose kasama ang kasintahang si Matthew na
gumala. Habang kasama ko sila'y halos dumugin na ang dalawa ng guyam sa
sobrang sweet at tila dinaig pa ang tunay na mag-asawa kung
maglampungan. Ilang saglit pa, naisipan naman naming magtungo sa Hilltop
square at gumawa ng takdang-aralin sa Chemistry.
4t-b. Pilit kong inintindi ang world problem pero
nahihirapan ako sa pagsagot at halos sumuko na pero di ko ginawa. Komopya na
lamang ako kina Precious pero maski sila'y walang
kasagot-sagot ang worksheet. Maya-maya pa'y nagtungo na kami sa
silid. Sa oras ng English ay nagkaroon kami ng long test at
di man lang napakamot ng ulo habang sumasagot. Ng tseking na, laking galak ko
sa sarili pagkat mataas ang natamo kong marka at di inakalang ako ang highest sa
naturang pagsusulit. Sana'y magtuloy-tuloy ang magandang nasimulan. Matapos ang
klase'y nagtungo na kami sa Canteen upang kumain kaso sa
pagtitipid, di ko dinamihan ang kain. Habang nagkukwentuhan kami ni Eric ang
biglang paglapit ni Clark Haven. Banas ang naramdaman ko sa kanya't
kung makadusta'y kala'y pinagpala ang mukha.
4t-c. Buti na lamang ang dumating si Arnulfo at di akalaing
ipagtatanggol ako, tumigil naman siya sa pangungutya sa 'kin. Habang free
time ay ipinagpatuloy namin ang paggawa ng Assignment sa Chemistry. Malapit ng sumapit ang Ala-una subalit wala pa kaming nasisimulan sa
takdang-aralin at ang hirap. Pagkarating sa laboratory, laking tuwa
namin pagkat nakasulat na sa pisara ang lahat ng kasagutan sa assignment na
ilang araw ng nagpapasakit sa ulo sa kakaanalisa at aligaga sa pagkopya habang
di pa dumarating si Sir Jasper. Ilang saglit pa, pumasok na si Sir at
inanunsyo na pansamantala siyang mawawala pagkat may meeting raw
itong dadaluhan. Gawa na wala namang gagawin ay umidlip ako. Napasarap na sana
ang tulog ko ng biglang gambalain ni Anne Rose, nawala tuloy ang
antok ko't labis ang aking pagkabato. Maya-maya pa'y bumalik na si Sir
Jasper at nagturo. Todo tutok ang mata ko sa pakikinig pero wala pa
ring pagbabago pagkat wala naman akong matutuhan.
4t-d. Matapos magturo ay bigla kaming nagkaroon ng Quiz bee at
di na maiwasang ma-pressure sa pagsagot. Sa huli, ang grupo nina Marlou ang
nagwagi at better luck next time na lamang. Maya-maya'y
biglang dumating si Jaimarri at may dala itong trophy at
kami'y nagagalak sa pagkapanalo ng aming pambato sa singing Contest.
Buti pa si Jaimarri, dahil sa ginintuan nitong tinig ay iyon ang
magdadala sa kanya sa magandang kinabukasan at may potensiyal pang sumikat
samantalang ako'y nagdududa kung uunlad pa ba ang pamumuhay namin, hanggang
pangarap na lamang muna ako na sana'y matupad. Habang nag-uusap kaming tatlo ang
biglang paglapit ni Nicole at sabay pinagsalitaan si Eric ng
di magaganda at sinabihan na huwag na raw lalapit kay Anne Rose.
Takang-taka kami sa naging reaksyon ni Nicole maging si Eric at
inalam namin kay Anne Rose ang tunay na dahilan.
4t-e. Nang Ilahad at mapag-ungkat-ungkat ang lahat ng pangyayari, doon ko
naisip na ako pala ang puno't dulo ng lahat at di ko akalain na hahantong sa
ganun kaya humingi ako ng tawad kay Eric. Mali lamang ang
intrepretasyon ni Nicole sa dalawa kaya niya inisip na
pinaglalaruan lang ni Eric si Anne Rose. Pasalamat
siya, mapapalampas namin ang ginawa niya't di na namin alam ang gagawin kapag
umulit pa siya. Maya-maya, uwian na, matinding gutom agad ang naramdaman
pagdating sa bahay kaya naparami ng husto ang kain. Medyo napapagod na rin ako
kaya di na nagtagal pa sa panonood ng telebisyon at agad ng natulog.
August 24, 2014
Sunday
Year II-236
4t-f. Hindi pa man sumasapit ang Disyembre subalit ang lamig ay dama na sa
madaling araw. Maliwa-liwanag na sa labas ng ako'y magising at mag-almusal.
Dahil walang maisipang gawin at upang matanggal ang aking pagkabato,
nagpatugtog na lamang ako ng OPM songs. Lalo pa kong ginaganahang
magwalis dahil sa tugtog at di ko mapigilan ang bibig sa pagbirit, kapag
pinakikinggan ko ang aking musika, hugot na hugot sa dibdib ang bawat liriko't
halatang may pinagdaraanan ang sumulat. Maaliwalas rin ang panahon, magandang
pagkakataon upang maglaba subalit nakapaglaba na si ina, kahapon pa lamang. Di
ko ibig ang nakaupo lamang at pakuyakuyakoy kung kaya pagbabasa ng handbook ng
aming eskwelahan ang aking inatupag at napakaraming batas sa eskwelahan na
ngayon ko pa lamang natutuklasan.
Maya-maya’y pakukumpyuter naman ang aking inatupag at tamang tama pagkat
active ang Wi-Fi ngayon kung kaya one to sawa
ako sa pag-access sa Internet at tamang online lamang
sa Facebook, nagpagawa pa ng Facebook account si
Ama't di ako gasinong bihasa sa Facebook making kung
kaya napatagal ako.
4t-g. Matapos gawin ang account ni Papa, malaya na kong
gawin ang ibig gawin. Bahagya akong nakaramdam ng gutom, kung kaya pinatay ko
na ang Internet subalit di nakapagluto sila mama pagkat abala
sa pag-online sa Facebook na tila adik na adik,
dumelehensya na lang ng ulam at nakakain naman ako, iyon nga lang ay di sapat
upang maibsan ang aking gutom. Antok naman ang aking nadarama kung kaya ako'y
nag-Siyesta. Pagkagising, may balak muli sanang magkumpyuter subalit
naunahan na ako ni ate. Habang may kanya-kanyang pinagkakaabalahan sila Mama,
lihim kong inilabas ang itinatagong alkansiya't pagkatingin, marami na pala
akong nalikom na pera't puro barya na halos mapuno na kung kaya naisipan kong
ipabuo.
4t-h. Ilang tindahan na ang napuntahan ko upang ipabuo ang pera subalit puro
raw barya't ako'y nagdududa na sa paghingi nila ng pasensiya sa akin. Pagkainis
na ang aking nadarama pagkat magpapabuo na nga lang, ang dadamot pa pero kapag
buo ang pera mo tapos ipapabarya, idadahilan na wala raw silang barya. Buti na
lamang at may mangilang-ngilang tindahan ang pinayagan akong ipabuo ang hawak
na barya kung kaya agad rin natapos ang aking misyon at napagod ako sa aking
ginawa. Di ko pa ibig umuwi kung kaya naisipan ko pang magkumpyuter. Halos
ikayamot ko ang bagal ng Internet connection at idagdag pa ang
kaligaligan ng mga kasamahan kong umuupa't kung ako'y magkaroon ng business na computer shop,
pagbabawalan ko ang costumer sa pag-iingay at bawal din
magmura, ang lulutong ba namang magmura kahit paslit pa lamang.
4t-i. Matapos magkumpyuter, naisipan ko pang magtungo kila Tito
Elbong. Wala sila Amihan at si Itang kasama
ang kanyang lolo't lola lamang ang naroroon at kami'y mataimtim na nag-usap.
Ipinabatid ko sa kanila na may balak akong magtungo sa Cagayan ng
mag-isa lamang kaya ako nag-iipon at kita sa mukha ni Itang ang
pagkasabik. Magmula ng isilang ako, di pa ko nakakapunta sa probinsya ni Ina,
puro pangako naman siya na napapako lamang kung kaya ako na mismo ang kikilos
at upang makilala ko pa ang mga kamag-anak ko roon. Medyo dumidilim na sa labas
at dahil delikado na, kinailangan ko ng umuwi. Diretso kain ako pagkauwi't
matapos ay nanood ng telebisyon. May lakad pa ko bukas kaya maaga akong natulog
subalit mukhang di na matutuloy ang balak ko sapagkat biglang sumama ang aking
pakiramdam. Ang masamang pakiramdam ang nagpahirap sa aking pagtulog at panay
ang aking pagsinga. Bahagya naman guminhawa ang aking pakiramdam kung kailan
malalim na ang gabi.
August 25, 2014
Monday
(National Heroes Day)
Year II-237
4t-j. Sa aking paggising ay tuluyan ng guminhawa ang pakiramdam kung kaya ang
aking balak na ilang araw ng pinag-iisipan, tuloy na tuloy na't iyon ay tumungo
sa bahay nila Ate Anne. Sampung taon na ang nakakaraan ng huli
kaming gumawi ni ina sa kanila at ngayon lamang nagkaroon ng pagkakataon upang
bumisita sa kanila ng ako lamang mag-isa. Lingid kasi sa kaalaman nila Mama na
pupunta ako sa kila Ate Anne at idinahilan na may praktis
lamang kami, sa takot na baka mapurnada ang aking balak. Malapit ng sumapit ang
Alas-nuebe ng lisanin ko ang tahanan. Habang lulan ng Bus at
dahil ordinaryo lamang, hindi ligtas para sa mga pasahero ang pagmaneho ng
tsuper kung matulin at sa tulin nito, pakiwaring maaalis na ko sa aking
kinauupuan at takot na ang nadarama sa dibdib. Sa bilis magmaneho ni
Manong Driver, kaagad akong nakarating sa bayan ng Tungko.
4t-k. Pagkarating doon ay tumawag kay Ate Anne pagkat di ko
kabisado ang patungo sa kanila. Swerteng may sumagot naman at si Ate
Anne nga iyon.
Nang malaman ko ang kumpletong impormasyon, kaagad na kong sumakay
subalit hindi pa rin ako mapanatag kung kaya lakas loob akong nagtanong at
sakto naman sa lugar na aking pupuntahan ang direksyon ng Dyip. Pagdating
sa Muzon at sa tagal ng panahon na di ako nakakagawi roon,
malaki na ang pinagbago ng lugar at di ko na nga kabisado kung saan banda
nakatirik ang bahay nila, tuloy ay kinailangan ko pang tumawag at sinabi sa
'kin ni Ate Anne na susunduin na niya lamang ako. Makalipas
ang ilang saglit na paghihintay, dumating na si Ate Anne at
ako'y kanyang sinamahan hanggang sa kanilang bahay.
4t-l. Kamustahan kaming dalawa't di ko akalain na sa kanyang edad na halos
kasing edad lamang ni ate, may apat na itong supling subalit mga pawang
maliliit pa lamang. Kita ko sa pamumuhay nila ang hirap at ang bahay na dati'y
masigla nung nabubuhay pa si Tito Echo at naroroon pa sina Lester at
Ser John, tahimik at walang kabuhay-buhay. Sa hirap ng kanilang buhay,
kinailangan pang mangutang ni Ate Anne sa akin, maibili lamang
ako ng pagkain at kahit ganun ang pamumuhay nila, dama ko ang mainit nilang
pagtanggap sa akin.
Tuloy ang kwentuhan namin ni Ate Anne hanggang sa
magtanghali. Tanging Sitaw at Pinakbet lamang ang tanghalian namin at medyo
nahihiya pa ko kung kaya di gasinong karami ang kinain ko. Bukod kay Ate
Anne, nakilala ko rin ang asawa niyang si Kuya Kevin at
bilib ako sa kanya pagkat napakatalino niya pagdating sa lugar.
4t-m. Mga bandang hapon ng maisipan naming mamasyal at sarap pa lang
manirahan doon pagkat ang daming nagagwapuhang kabataan ang aming
nakakasalubong at pawang mga tisoy pa. Ang mga bahay naman, karamihan ay gawa
sa semento ang bubungan at may desenyo pa. Ang mga residente naman, kakikitaang
kayod kalabaw pagkat napakasipag nila't kahit napapagod, nagagawa pa rin
ngumiti. Matapos mamasyal, kami'y nagmeryenda at tamang tsika-tsika
lamang. Masayang kakwentuhan si Ate Anne at tila natatanggal
ang aking pagkabagot sa kanya at sana’y siya na lamang ang kapatid ko pagkat
mas mukhang magkakasundo kami. Ibig ko pa sanang manatili sa kanila hanggang
bukas subalit inaalala ko ang magiging reaksyon nila ina sa bigla kong pagpunta
ng walang paalam kaya mga bandang Alas-singko ng maisipan ko ng magpaalam sa
kanila. Sa haba ng biyahe, inabot na ko ng gabi sa pag-uwi't tikom pa rin ang
bibig ko kay ina kahit natapos na ang lakad sa takot na mapagalitan. Dala ng
matinding antok, di na ko nakanood pa ng paboritong programa't kaagad ng
natulog.
August 26, 2014
Tuesday
Year II-238
4t-n. Naging maulan ang panahon pagsapit ng madaling araw na siyang nagbigay
lamig, di na ko inaantok pa subalit tinatamad pang bumangon kung kaya't nahiga
pa. Malapit ng mag-ikawalo ng sipaging bumangon at patuloy pa ring nararamdaman
ang maulang panahon. Ang takbo ng panahon, sadyang napakakulit at pabago-bago
pagkat kahapon lamang ay maaliwalas tapos maulan naman ngayon. Habang nakaupo
ako't nakikipagtiktikan kay Ate Anne, gulat na lamang ako ng maging
matanong sa akin si ina. Bigla niyang nahalata na nagsisinungaling ako kahit
ano ang aking palusot, hanggang sa dumating sa punto na itanong niya sa akin na
nagpunta raw ba ako kila Ate Anne. Tugmang-tugma ang kanyang
katanungan at naisip kong baka alam na niya kaya umamin na ko subalit di ko
batid kung paano niya nalaman samantalang may usapan kami ng pinsan ko.
4t-o. Kaba talaga ang umiral sa dibdib subalit nagkamali ako sa aking akala't
kinamusta niya lamang ang kalagayan nila. Napasarap ang usapan namin ni ina
tungkol sa buhay ng kaanak sa Bulacan kung kaya di ko
namalayang kailangan ko pang maglinis sa buong bahay subalit pinangunahan na ko
ng katamaran at parang gusto ko ng matulog. Maya-maya pa, oras na ng tanghalian
at sa sarap at lasa ng nakahaing ulam, naparami ng husto ang kinain ko. Matapos kumain,
pansamantala munang umidlip, nawala naman bigla ang antok ko kung kailan
nakapikit na, bumangon na ko't panonood ng telebisyon ang naging pampalipas
oras ko. Halos madurog ang puso ko habang pinapanood ang pelikulang The
Call, bigla kasing dinukot ng mama ang walang kalaban-labang dalagita't
isinilid ito sa mismong likuran ng sasakyan.
4t-p. Nang magkamalay ang babae, mangiyak-ngiyak itong tumawag sa 911
Emergency Center upang humingi ng tulong at pilit itong nagpupumiglas,
makatakas lamang ito subalit sadyang mautak ang lalaki, kaya nabigo ito't
napakademonyo niya. Iyon pala, may sakit pala sa pag-iisip ang lalaki kaya
nakakagawa ng karumaldumal na krimen. Nang may isang mama ang
nakipagkooperasyon sa 911 Emergency Center at tinangkang
itakas ang babae, sunod-sunod na sinaksak ng suspek ang mama't sinilaban pa ng
apoy. Akala ko, di na makakaligtas ang babae at inis na ang naramdaman ko pero
sa huli iniligtas siya ng isa sa kasapi ng Emergency Center at
sa wakas, nasakote rin ang demonyo.
4t-q. Doon ko rin nakita na mataas ang estado ng teknolohiya sa Amerika,
madali nilang nakukuha ang detalye kung saang lugar nangyayari ang krimen at
kung sino ang utak nito. Sana ganito rin dito sa Pilipinas upang
di na makaperwisyo pa ang mga masasamang loob at madali silang
mahuhuli. Matapos manood, saka pa lamang inantok at natulog. Anung dilim
sa labas ng ako'y gumising at inakalang gabi na subalit uulan pala. Ilang
saglit pa'y bumuhos na ang malakas na ulan at dama ang masungit na panahon
hanggang sa gumabi. Dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng Low-pressure
area, maraming lugar na ang binaha. Dahil sa maulang panahon, naging
napakalamig ng gabi na nagpasarap sa tulog namin.
August 27, 2014
Wednesday
Year II-239
4t-r. Eksaktong ikalima na ng umaga ng ako'y magising at ang kagabing
napakasungit na panahon ay kasalungat naman ngayon. Wala pa ang aming guro
sa Math pagkarating sa Eskwelahan at dahil magkakaroon pala
kami ng pagsusulit sa General Psychology, sinamantala ko ang oras
sa pagrerepaso. Maya-maya pa'y pumasok na si Sir Dalope at
nagturo about Rational Algebraic Expression. Medyo
pamilyar sa akin ang naturang lesson kaya alam ko kung paano
iyon i-solve at palaging sumasagot sa Board. Kaso nga
lang, parang FLAMES ang lesson sa Math pagkat
puro Cancelation ng magkaparehong expression o variable ang
gagawin. Maya-Maya'y General Psychology na't ang inakalang
magkakaroon ng long test ay nagkakamali't laking tuwa namin
pagkat magtuturo lamang si Ma'am Joyce tungkol sa Motivation,
ang napakaseryosong pagtuturo ni Ma'am, nauwi sa pagkukwento tungkol sa naging
buhay pag-ibig niya't parang sira kung magtilian ang mga kamag-aral ko. In
fairness at nakakakilig ang naging love story ni
Ma'am at swerte niya pagkat mabait ang napangasawa niya.
4t-s. Nang matapos ang lesson, laking gulat ko at malas nga naman
pagkat wala akong kamalay-malay na naupuan ko ang colored chalk kung
kaya namantsahan ng husto ang puti kong pantalon. Lalabas na sana kami ng di ko
naman maialis ang bag mula sa upuan pagkat ito'y nakagapos.
Napakaloko ng gumawa nun at napakalakas ng kutob ko na si Clark Haven ang
gumawa nun pagkat siya lang naman ang nagtatali sa bag ko't isa pa'y nasa
likuran ko siya kanina kaya di na kadudaduda pa. Nagpuyos ako sa galit at sa
galit, namura ko siya ng sunod-sunod ng magkita kami’t di pupwede sa akin ang
pinagkakatuwaan ako! Panay ang kanyang maang-maangan pero di ako paloko. Humupa
naman ang galit ko sa kanya at pasalamat ang hindurokot na 'yon pagkat di ko
siya nasapok. Malas ko nga lang at nadumihan ang aking pantalon at lagot ako
nito kay ina mamaya.
4t-t. Habang sarap na sarap kami sa kainan ay biglang natuklasan ni Anne
Rose na nawawala ang Cellphone niya at aligaga ito sa
paghahanap, iyon pala'y itinago ni Precious. Pagsapit ng Alas-dose,
naisipan na naming bumalik sa silid. Ilang session na kaming
walang klase sa Social Science at medyo naghahabol si Sir kung
kaya bara-bara ito sa pagtuturo. Maya-maya pa'y lumabas na kami't bago magtungo
sa Covered court upang mag-ensayo'y nagtungo muna kami
ni Anne Rose sa Library upang manghiram ng
libro. Pagkahiram ay nagtungo na agad kami sa Covered Court. Di naman
ako makasayaw dahil sa aking kondisyon kung kaya pagbabasa ang aking inatupag
sa buong vacant time.
4t-u. Maya-maya, biglang inanunsyo ni Sir Anton na sa next
week na lang gaganapin ang Practical test pagkat
magkakaroon ng tournament ng Volleyball na
gaganapin sa Athletic center at kami'y nanood lamang ng laban,
kaso nga lang ay di naging maganda ang laro at parang gusto ko ng umuwi subalit
di ko naman magawa pagkat bantay sarado kami sa mata ni Sir at ikinakatakot ko
ang kanyang mala-Shrek na galit. Nang tumalikod si Sir,
dahan-dahan akong pumuslit palabas at saktong nasa labas sina Anne Rose at Precious na
panay lampungan sa kanya-kanyang kasintahan. Madilim-dilim na ng makarating sa
bahay at laking gulat ko muli pagkat naririto ang bisita naming si Tita
Susan na kagagaling lamang ng Batangas at kami'y
nagkamustahan. Medyo gutom na ko kung kaya sige ako sa paglantak ng pagkain.
Matapos manood ng paboritong programa, agad na akong natulog.
August 28, 2014
Thursday
Year II-240
4t-v. Kakaibang tinig babae ang tumapos sa masarap kong tulog at pamilyar sa
akin ang boses niya’t di maunawaan ang kanyang tinuturan pagkat iba ang gamit
na wika, iyon pala'y nakarating na si Ate Wenang mula Cagayan.
Medyo nanatili pa ang antok sa pagkatao kung kaya di ako kaagad bumangon
subalit panay ang pangigising sa akin ni Mama na siyang kinakayamot ko pagkat
maaga pa naman. Maliwanag na sa labas kung kaya bumangon na ko subalit
Alas-sais pa lamang. Daming dalang pasalubong ni Ate Wenang at
iyon ang naging agahan ko, bukod pa dun ay nagkamustahan kami't matapos ang
dalawang taon ay ngayon lamang kami nagkita. Kasama si Tita Susan,
malapit ng mag-ikawalo ng umalis kami sa bahay. Dinaig pa ni Tita si ina kung
magpayo't gusto ko siya't gumawi pa sana siya uli sa amin. Magkakaroon pala
kami ng mahabang pagsusulit sa Filipino at dahil wala pang
aklat ay kinailangan ko pang manghiram sa kamag-aral, makapagrepaso lamang.
Anung pilit isaulo ang aralin na aking nirerepaso subalit parang
bulang agad naglalaho't bahala na mamaya.
4t-w. Kaagad ng nagsimula ang naturang pagsusulit sa Filipino pagkapasok
pa lamang ni Sir at anung hirap ng pagsusulit. Ganyan talaga kapag di ka
nakapagrepaso ng ayos o minadali, mahirap subalit madali naman marahil kung
nakapagrepaso ka ng maigi. Sa hirap, karamihan sa patlang ay wala pang kasagot
sagot at kung sasagot man ay nanghuhula na nga lang at labis ang aking
pangangamote, tumingin na lamang ako sa katabi subalit maging sila'y wala pang
kasagot-sagot. Ilang saglit pa, pasahan na't dismayado ako pagkat di ko man
lang nakumpleto. Bago pa man kami umalis, binanggit ni Sir Arnold kung
sino ang magtatalumpati sa Sabado, di na sana ako magtatalumpati subalit
sinabihan ako ni Sir na kailangan ko pa raw magtalumpati upang madagdagan ang
marka ko depende sa magiging pasya ko.
4t-x. Sa oras naman ng English, nagturo lamang si Ma'am
Mactal ukol sa Adjective and Adverb.
Maya-maya'y lumabas na kami't pagkalabas ay naging napakadilim ng papawirin na
tila uulan. Nagsasawa na kaming kumain saCanteen mismo sa loob
ng Campus kung kaya naisipan naming kumain sa Chowking.
Sa sobrang pagtitipid ko talaga, di ko na-enjoy ang mga meal sa Chowking samantalang
lasap na lasap ng mga kasamahan ko ang sarap. Maging sa Chemistry pala'y
magkakaroon rin kami ng pagsusulit at di ako nakapagrepaso at mukhang
mahihirapan muli. Sa takot na pigain muli ang kukote sa kakaisip, sinamantala
ko ang nalalabing oras sa pagrerepaso.
4t-y. Maya-maya'y nagtungo na kami sa Laboratory at di ko man
lang madama ang saya at parang wala ng bukas ang kanilang hagikhikan at
sinlalim ng balon ang iniisip ko na tila gulong gulo at gusto kong magpamalas
subalit isinaalang-alang ko ang reputasyon bilang estudyante. Di ko lang lubos
maunawaan kung bakit nararanasan ko 'to, yung di magawang ngumiti kahit wala
namang pinagdaraanan. Kapag ngumiti naman ay nagkukubling masaya lamang kahit
hindi. Sa halip na makisali sa masaya nilang pag-uusap ay sige ako sa
pagrerepaso. Ilang saglit pa'y dumating na si Sir Jasper at
nagsimula na nga ang pagsusulit. Medyo may kadalian sa una subalit pagdating sa
sumunod ay doon na talaga ako nahihirapan. Sa kakaisip ng isasagot, na-stress ako
ng husto't halos sumakit ang ulo sa kaka-solve. May angking talino
sa Math pero nganga naman ako pagdating sa Chemistry.
4t-z. Maya-maya, naging
maluwag na si Sir Jasper sa amin at sinabing open
notes na. Kahit na open notes na'y nahihirapan pa rin
ako't wala pang kasagot sagot ang papel pagkat di alam ang tamang paraan ng
pag-solve. Di lang ako ang nahihirapan maging ang mga kamag-aral, kaya
ipinagpatuloy pa rin ang pagsagot kahit na nasa silid na kami. Di naman ako
makapag-concentrate pagkat maingay at tila sumuko na kami sa test sa
hirap ba naman nito, sino ba naman ang di susuko sa pagsagot at ang ilan ay
lakas loob ng humingi ng tulong kay Sir. Maski ako'y tinatamad ng magsagot kung
kaya nakipagdaldalan na lamang kina Anne Rose at Rickclyde.
Ilang saglit pa, sa wakas at uwian na rin. Medyo bagsak na ang mata at stressful ako
ngayong gabi dahil sa mga exam, kaya matapos kumain ay diretso
tulog na ako.
August 29, 2014
Friday
Year II-241
4u-a. Kahit malakas na ang pag-uusap nila Mama at Ate Wenang ay
di pa rin ako magising pagkat nanatili pa ang antok at dahil maaga pa naman at
walang pasok, pinalawig ko ang oras sa pagtulog. Malapit ng mag-ikapito ng
ako'y gumising at anung ganda ang aking pakiramdam. Malapit na rin ang
aming Midterm exam kung kaya matapos kumain, ako'y
nagrepaso. Ang kahapong maulang panahon ay tila nagbago muli't sumilip ang
bukangliwayway, magandang pagkakataon upang maglaba kung kaya sinamantala ko
ang magandang panahon sa paglalaba't malapit ng mag-ikasiyam ng matapos. Habang
abala sa pagsasampay ang pagdating naman ni Auntie Andrea kasama
si Aling Helen at sila'y maingay na
nagkukwentuhang matatanda. Bukod kila Auntie Andrea ay ang
biglang pagdating rin ni Ate Anne, di upang bumisita kundi humingi
ng kwarta pagkat walang-wala na raw sila't habag ang namutawi sa dibdib ng
ilahad sa akin ni Ate Anne ang kanilang kalagayan.
4u-b. Habang nag-uusap kami, si Ate Wenang naman ay panay
pagpapayo kay Ate Anne at hinahaluan pa ng katatawanan kaya
ang malabiyernes santong mukha ni Ate Anne dahil sa iniindang
problema, napalitan ng ngiti at pag-asang makakaahon sa kahirapan. Sayang nga
lang at tulog ang ate ko't di sila magkikita't magkakausap. Bago umalis
si Ate Anne maging si Mama at Ate Wenang ay
nagtingin tingin muna kami ng Photo album at kay
sarap balikan ang dati naming pamumuhay at sariwain ang nakaraan. Sabi nga ng nakakarami'y
minsan lamang maging bata kaya hangga't naroroon ka sa ganung edad, ugaliing
mag-enjoy at magpakasaya. Sayang at di ko na-enjoy ang
aking kabataan pagkat madalas ay nasa bahay lamang ako't nahihiyang
makipaglaro.
4u-c. Maya-maya'y umalis na sila't ang bahay na nuknukan sa ingay pero may
saya dahil sa mga bisita, biglang tumaimtim at kaming magkakapatid na lamang
ang natira. Dahil sa kakulangan sa tubig, di naman ako makaligo't ang dumi
ko na. Di ko pa ibig matulog kung kaya naisipan munang magkumpyuter. Habang
abala at sarap sa paglalaro ngcomputer games ang
biglang buhos ng ulan at dali-dali akong nag-igib. Ipinagpatuloy ko ang
paglalaro ng tumila ang ulan at ng makaramdam ng antok, ako'y nag-Siyesta.
Nakauwi na sila Mama ng ako'y magising at labis akong nababato at ibig kong
gumala subalit maulan ang panahon. Upang matanggal ang pagkabato, nagbasa na
lamang ako. Maging sa pagsapit ng gabi'y naging maulan ang panahon na
nagpalamig sa temperatura at nagpasarap sa aming pagtulog.
August 30, 2014
Saturday
Year II-242
4u-d. Nanatili pa rin ang pag-iral ng water shortage dito sa
aming baryo at kailan kaya babalik sa normal ang serbisyo ng tubig.
Maliwa-liwanag na sa labas ng ako'y dumilat. Ngayong araw ang aming talumpati
sa Filipino at labis ang aking kaba pagkat di ako
nakapaghanda, sa takot na mapahiya, naisipan kong sa oras ng English na
lamang ako dadalo ng klase at huwag sana kaming magkita ni Sir Arnold mamaya.
Dahil sa kawalan ng tubig, kinailangan ko pang mag-igib, may maipampaligo lamang
at ganito pala kahirap ang sitwasyon kapag walang tubig. Yung mga kapitbahay
naman, pila-pila na sa irigasyon ng tubig at ang haba. Malapit ng mag-ikasiyam
ng lisanin ko ang minumutyang tahanan at naghintay muna sa labas ng silid
habang di pa natatapos ang oras ng Filipino. Umigting ang kaba sa
dibdib ng biglang lumabas si Sir at ako'y yumukod, nabunutan ng tinik sa
lalamunan ng siya'y lumayo't di man lang ako napansin. Maya-maya'y nagsilabasan
na ang mga kamag-aral ko't panay ang dahilan ko sa samu't saring katanungan
nila na halos ikaubos ko na.
4u-e. Kung makapagtanung sila Arnulfo, dinaig pa ang reporter at job
interview at sa oras na ako'y tutugon ay lakas loob nila akong
ginigisa. Bakit sila ganyan, kapag sila'y nahuhuli o lumiban sa klase, tikom
lamang ang bibig at di makapangahas na pakilaman sila. Magkakaroon pala ng long test sa English at
di ako nakapagrepaso pagkat wala akong workbook. Kahit di
nakapagrepaso'y madali lamang ang pagsusulit at ako'y labis na nagagalak sa
natamo kong marka. Pagkalabas namin at habang lumalakad patungong canteen ay
saktong nakasalubong namin si Sir Arnold at yari ako sa kanya.
Di na mapigilan ang takot sa dibdib at gusto ko ng umiwas subalit kawalang
respeto naman iyon kung kaya lakas loob na hinarap siya't humingi ng tawad.
4u-f. Di naman siya nagalit at sa katunayan ay binigyan pa niya ko ng
tsansang magtalumpati, iyon nga lang ay may angkop na kasuotan at pormal ang
pagsasalita, di ko na sana tatanggapin ang alok ni Sir pagkat di basta-basta
subalit binalaan niya ko na babawasan ang marka ko kapag di nagtalumpati kaya
kumagat na ko't goodluck to me. Matapos kausapin si Sir
Arnold ay lumakad na kami pa-canteen. Medyo may kainitan ang
panahon sa labas kung kaya naisipang magtungo sa Library upang
magpalamig. Maya-maya pa'y nagtungo na kami sa silid at nagtsek lamang ng Quiz sa Chemistry.
Di ako nasiyahan sa nakuhang marka't di man lang pumasa, bawi na lang sa Midterm.
Wala ng iba pang ginawa matapos ang tseking kaya tumambay kami nila Eric at Rickclyde sa
harap ng Laboratory.
4u-g. Sinamantala ko ang oras sa pagrerepaso subalit panay ang pagtuligsa nina Rickclyde at
sinabing papasa pa rin naman daw ako kahit magpabandying-bandying. Di ako sumang-ayon
sa sinabi nila't nakipagtalastasan pa ko at mas maigi ang masipag at matiyaga
kaysa sa Matalino. Aanhin pa ang talino kung ikaw naman ay tamad. Maya-maya pa'y
lumabas na kami't sa kadahilanang wala naman gagawin sa oras ng Chemistry pagkat
naituro na ni Sir Jasper ang lahat ng lesson for
midterm period, naisipan kong umuwi na lang. Dala na ako'y inaantok na,
pansamantala akong umidlip at oras na ng hapunan ng ako'y dumilat kaya diretso
lamon na. Panonood ng telebisyon ang inatupag ko matapos kumain at tila kay
sarap ng buhay ko subalit nababagabag pagkat tila may gusto akong
pagkaabalahang importante. Malapit-lapit na rin ang aming Midterm test kung
kaya dibdiban akong nagsunog kilay at malapit ng maghating-gabi ng maisipang
matulog. Natuklasan ko na mas maiging magrepaso sa gabi pagkat bukod sa
kalmado, agad-agad pumapasok sa utak ang iyong inaaral.
August 31, 2014
Sunday
Year II-243
4u-h. Halos ikagulantang ng buo kong pagkatao ang malakas na tugtog at iyon
ang bumasag sa masarap kong tulog, umaga na pala't tirik na ang haring araw sa
labas kaya bumangon na. Kay ganda ng salubong sa umaga sa aking pagbangon at
pakiwaring napakakulay nito na siyang nagpapagana sa akin upang gawin ang ibig
gawin, iyon nga lang ay pagkainis ang pumalit ng buksan ang gripo't ni patak ng
tubig ay di man lang tumulo't di tuloy makapagmumog. Patuloy pa rin palang
umiiral ang krisis sa tubig dito sa Barangay Batasan Hills na
ilang araw na naming dinaranas. Diretso ako sa pagrerepaso matapos mag-agahan.
Madaling pumasok sa utak ang kinakabisado kagabi pero kasalungat sa ngayon at
tila nahihirapan ako sa pag-aaral kahit wala namang bagay ang umiistorbo.
4u-i. Maya-maya pa at habang ako'y nagrerepaso ang biglaang dagsa ng mga
residente sa mismong harapan ng bahay at may dala-dalang timba at dram at tila
nagkakagulo na, iyon pala'y may isang trak na nagsusuplay ng tubig subalit sa
liit ng lagayan nito ay tila kakaunti lamang mabibiyayaan. Habang pinagmamasdan
sila't doon ko naisip na habang tumatagal ang krisis sa tubig, lumalala na ang
sitwasyon. Nawa’y magsaboy ang kalangitan ng maraming ulan, huwag nga lang
bumaha't sumapat lang sa aming pangangailangan. Sa dami ng nag-iigib at
gustong masalukan ang kanya-kanyang timba'y mistulang water refilling
shop na. Buti na lamang at nakapag-ipon ng tubig kagabi sila ina kung
kaya di na kinailangan pang pumila. Medyo nakakaranas na ng gutom kaya di ko na
naipagpatuloy pa ang pagrerepaso't tatamarin ka talagang mag-aral kapag walang
laman ang sikmura mo.
Di pa nakakaluto si Ama't naghintay pa ko ng ilang sandali.
4u-j. Nang makaluto, agaran akong nagtungo sa mesa't napalantak ng dami.
Busog nga ko subalit antok naman ang umiral sa akin at natulog. Madilim-dilim
sa labas ng ako'y gumising at tuwa ang namutawi sa dibdib pagkat bubuhos na ang
milagrong tubig subalit pumalit ang pagkasindak ng biglang kumalugkog.
Maya-maya pa ay bumuhos na ang napakalakas na ulan, balak sanang makipagsabayan
sa mga naliligo subalit labis ang takot ko sa kulog at kidlat at isa pa'y
sinisipon pa. Animo'y gabi sa labas sa dilim ng kalangitan at sunod sunod ang
pagguhit ng matatalim na kidlat at malabombang lakas ng kulog kaya ang takot
ko'y pasidhi ng pasidhi.
4u-k. Tila gusto ko ng huminto ang Thunderstorm dahil sa
takot subalit nagpapasalamat ako pagkat umulan na siyang mag-aahon sa kagipitan
namin sa tubig. Makalipas ang dalawang oras, tumila na ang ulan. Balak ko
sanang magtungo kila Ate Bing pagkat kaarawan ng kanyang anak
subalit masamang pakiramdam ang pumigil sa akin. Sa sama ng pakiramdam, panay
ang aking pagsinga, maging ang panlasa ko'y naapektuhan, tuloy ay di ko ma-enjoy ang
kinakain. Dahil may pasok muli kinabukasan at maaga muling magigising,
matutulog na sana ako subalit parang ayaw ko pang matulog pagkat maaga pa
naman, nakinig muna ako ng musika bilang pampaantok. Maya-maya'y inantok na nga
ako't natulog.