Huwebes, Hulyo 31, 2014

19. July 2014 Journal (Day 547-577)

July 01, 2014
Tuesday
Year II-182


4k-q. Ito ang araw na dapat sana ay pagpapahinga subalit mauuwi sa puspusan at dibdibang pag-eensayo upang di lumagapak ang grado sa asignaturang PE. Mga ikapito na ng dumilat ang matang himbing pa sa pagtulog, nakadarama pa ng antok ngunit dahil determinadong makamit ang pupuri ng aming professor at matamo ang mataas na marka, di ako panaig sa antok at agad ng bumangon. Mga dakong ikawalo ng makarating ako sa eskwela't kaagad dumeretso sa Covered court. Pagdating doon, wala pa ang aking mga kagrupo, naghintay muna pansamantala't panay text sa kanila. Lumipas na ang halos isang oras subalit ni isang presensiya nila'y di ko maaninag, mistulang hangal na ako sa pagte-text at di mapakali. Maya-maya’y dumating na si Hanna at Rickclyde, di pa kami kumpleto't palitan muna ng kwentuhan ang inatupag sa isa't isa.

4k-r. Habang tumatagal ang unti-unting pagdating ng mga kagrupo ko hanggang sa dumami kami. Kahit di ko ibig ang maging pinuno pagkat wala akong talento pagdating sa sayaw, ako pa rin ang naatasan ng mga kagrupo na maging pinuno. Sa una'y todo tanggi ako pero ng wala naman nagboboluntaryo, lakas loob kong inako ang posisyong iyon. Kumpleto na kami subalit gawa na walang maisip na step, di kami makapagsimula. Buti na lamang at may naisip na si Manelle na steps kaya nakapagsimula na kami. Kahit simple ang step, hirap ko pa rin tularan iyon. Dalawang oras na kaming nasa covered court subalit di pa kami makabuo't paano na, bukas na ang aming performance? Maya-maya, kasama si Princess at Stella ay tumungo kami sa computer shop at naghanap ng idagdag na steps para sa Aerobic dance.

4k-s. Matapos niyon, ipinagpatuloy namin ang pag-eensayo. Maystep lamang na naituro sa amin si Manelle na talagang hirap kong gayahin at iyon ay LA walk, bawat galaw at kilos ay napakadetelyado't di ko batid kung naubos na ba ang pasensiya nila habang ako'y tinuturuan. Sa hirap, halos sumuko na ko subalit nagawa pa ring magpursigi. Malapit ng sumapit ang Ala-una ng matapos ang aming ensayo, matinding pagod nq ang aking nadarama. Tanging si Cathlyn lamang ang kasama ko sa pag-uwi't di ko batid sa sarili, magkakilala na kami subalit naiilang akong makihalubilo sa kanya, dahilan kung bakit walang lakas loob na kausapin ito, para tuloy di kami magkaklase pagkat walang kibuan sa isa't isa.

4k-t. Pagkababa’t dala na kumakalam na ang sikmura'y naisipan kong bumili ng pagkain, habang sarap sa pagnguya ng Hamburger ay may mga batang gusgusin ang lumapit sa akin at nanghingi. Sa habag, ibinigay ko na sa kanila ang isa pang Hamburger at bakas sa mukha nila ang gutom ng pagpiyestahan iyon. Dumidilim na ang kalangitan at nagbabadya muli ang pag-ulan kaya may pagmamadali ako sa pag-uwi. Di pa man nakakarating sa bahay, bumuhos na ang napakalakas na ulan na sinabayan pa ng pagkulog at kidlat. Habang naglalakad palapit sa bahay, laking takot ko ng biglang gumuhit sa kalawakan ang matalim na kidlat. Kaagad naman tumila ang ulan mga dakong Alas-dos. Sa pagod at sakit ng katawan, matapos kumain ay diretso tulog ako. Mga ikalima na ng hapon ako nagising, diretso kaagad ako sa computer shop at nag-online sa Facebook. Lumagom na ang kadiliman sa kalawakan ng ako'y umuwi't naghapunan. Dahil sa mga pesteng lamok na walang habas na pinapapak ang dugo ko, di naging masarap ang tulog ko't marahil ay kailangan na ng ibayong ingat pagkat sa pagpasok ng tag-ulan, kasabay nito ang panahon ng pag-atake ng Dengue.


July 02, 2014
Wednesday

Year II-183

4k-u. Sumapit na ang ikalima ng umaga subalit tulog mantika pa rin ako't tanging alarma ng telepono ang gumising sa akin. Alas-singko y medya na pala't may pagmamadali ako sa pagkain at pagkilos, malapit ng mag-ikapito ng makaalis sa bahay at mukhang mahuhuli na ko sa pagpasok pagkat naging mabigat ang daloy ng trapiko subalit pagdating sa eskwela, laking pasalamat ko pagkat sakto lamang ang ipinunta. Ilang saglit pa'y dumating na si Sir Dalope, about Algebra pa rin ang lesson namin at kahit may kadalian ang expression sa pisara, ibig man magtaas ng kamay ay di ko magawa pagkat batid kong may mananamantala sa aking kakayahan at iyon ay mangopya, ayos lang sa akin kung magpapaturo sila, atlis naibabahagi ko ang aking abilidad at ayaw ko sa mga taong lahat ay ipapagawa't iaasa sayo, matuto silang tumayo sa sariling paa't di sa lahat ng oras ay may nakaalalay sa kanila, unless if they are disabled.

4k-v. Sa oras naman ng General Psychology, tungkol pa rin sa pagbubuntis at menstrual stage ang lesson at interesado talaga ako kapag iyan ang tinatalakay kahit di ako totally female. Maya-maya’y lumabas na kami sa silid at sama-samang kumain sa kantina. Gustuhin man maghigpit ng sinturon subalit nabalewala iyon sa sarap ng putahe't di ko maiwasang tumulo ang laway, tuloy ay naparami ng kain at ang takaw ko raw. Matapos kumain at dahil malayo-layo pa ang oras bago ang Social Science, naisipan pa namin nina Eric na magrenta sa Computer shop. Habang kami'y nagkukumpyuter ay halos ikawasak na ng aking pandinig di dahil sa mga ibang kasamahan na nagkukumpyuter kundi sa nagbibidyooke. Makabirit, akala'y wala ng bukas. Maya-maya pa'y pumasok na kami sa silid.

4k-w. Sa oras ng Social Science ay nagkaroon kami ng Cinema play tungkol sa naging kasaysayan ng Pilipinas. Buong oras ng asignaturang ito kami nanuod at ganun pala kayaman ang bansang Pilipinas dahil sa natatago nitong mga yaman. Matapos ang cinema play, lumabas na kami't ako'y nagpalit na ng PE uniform, ganito pala ang pagod na iyong matatamo tuwing Miyerkules pagkat kailangan pang magdala ng rubber shoes at PE uniform at di pupwedeng diretsong isusuot. Sa halip na sa covered court ay doon mismo sa tapat nito namin isinagawa ang pag-eensayo. Malapit ng mag-ikatlo subalit di pa namin nama-master ang sayaw.

4k-x. Maya-maya pa, biglang pumasok sa isipan ng kagrupo ko na ilagay ako sa harapan, bagay na di ko nagustuhan at dahil doon kaya di kami nagkasundo. Buti na lamang at dumating si Joshua at ako'y kanyang ipinagtanggol, di rin natuloy ang nais nila sa akin at isa pa, nakakahiya kay Sir Anton kapag nakitang kalat-kalat ako sumayaw. Habang kami'y nag-eensayo ang pagdilim muli ng kalangitan hanggang sa bumuhos ang malakas na ulan, sumilong muna kami sa Athletic Center. Ng makita namin si Sir Anton, kahit kasagsagan ng malakas na ulan ay pinapunta pa rin niya kami sa Covered court pagkat doon daw kami magklaklase.

4k-y. Habang di pa PE time, nagpatuloy kami sa pag-eensayo kahit lupaypay na ang buong katawan. Nang performance time, matinding kaba ang naramdaman namin at sana'y ma-impress si Sir Anton, sa kaba't upang mapaganda pa lalo ang aming performance, walang kaalam-alam ang mga kagrupo sa aking pasabog at iyon ay tumambling. Lalo pang sumidhi ang kaba sa dibdib ng kami na ang nakasalang at kahit bali-bali ang sumayaw, ibinuhos ko na ang lahat ng makakaya't goodluck to us, nang huling bahagi na ng aming sayaw, saka pa lamang ako tumambling subalit palya kaya sa halip na maaliw siSir Anton, binatikos niya lamang ako. Di ko batid kung nakadagdag ba yun sa impression ng aming performance o nakasira lamang. Gayunpaman ang nangyari, tuwa sa dibdib pa rin ang pumalit pagkat tapos na ang Aerobics dance. Sa sakit ng katawan, nagpasyang sumakay na lamang sa jeep at tanging si Joshua at Anika muli ang nakasabay ko sa pag-uwi. Sa totoo lamang, ito ang araw na stressful para sa akin at dahil dun kaya diretso bagsak ako sa kama.


July 03, 2014
Thursday

Year II-184

4k-z. Gaano man katindi ang narasang pagod kagabi, ginhawa at sigla pa rin ang umiiral sa dibdib ng ako'y magising na lalong nagpagana sa akin upang mag-aral. Malapit ng mag-ikawalo ng matapos ako sa pagbibihis at lisanin ang tahanan, habang nag-aabang ng masasakyan ay lalo pang gumanda ang araw ko dahil nakakita ng Guwapo. Saktong patungo ang Jeep mismo sa aming eskwelahan kaya dali-dali ko iyon sinakyan. Habang nakasakay, panay ang titig ko sa kanya't ibang iba ang kanyang kakisigan, nag-uumapaw at marahil ay habulin ng chicks. Di kami magkakilala pero para sa akin, binihag na niya ang puso ko't parang inaakit palapit sa kanya. Dahil natitipuhan ko na siya, pasimple akong lapit sa kanya't kuha ng litrato. Maya-maya’y bumaba na siya't nag-aaral pala sa Saint Dominic Institute.

4l-a. Laking kilig ko talaga pagpasok sa eskwela't ikwinento ko sa aking mga kamag-aral ang tungkol sa mga sandaling kapiling ko siya. Tilian ang mga kamag-aral ko lalo na si Gelo ng makita nila ang kanyang larawan at kahit di kilala at dahil sa pamatay ang hitsura, nagkakandarapa na silang sulutin ito. Ang abot langit na sayang nadarama, panandalian lamang iyon ng ipabatid sa akin ng iilan kong kamag-aral na may recitation kami sa Filipino, inuna kasi landi bago aral at pinagsisihan ko iyon. Habang di pa nagsisimula ang klase, dibdiban ang aming pagrerepaso ng mga batas ng wika subalit ni isang nilalaman ay di pumapasok sa utak at goodluck na lamang mamaya. Nang oras na ng Filipino, lahat ng reference na may kinalaman sa batas ng wika, kinumpiska ni Sir Arnold, tuloy ang recitation at walang makasagot sa mga katanungan ni Sir, nganga tuloy kaming lahat.

4l-b. May nasagot naman ang ilan kong kagrupo subalit sa pangkalahatan ay dalawang puntos lamang natamo namin at bagsak kaming lahat, sipag kasing mag-aral at di namin napaghandaan iyon. Sa oras naman ng English, nagturo lamang si Ma'am Mactal about verbs. Maya-maya’y lumabas na kami. May mahabang pagsusulit pala sa Chemistry kaya sa halip na maglakwatsa kami, walang kaming ibang inatupag kundi ang magrepaso. Ilang saglit pa'y nagtungo na kaming magkakabarkada sa library at doon isinagawa ang group study. Kahit paano'y may pumapasok sa utak ko't hiling na makakuha ng mataas na marka mamaya sa pagsusulit. Sa halip na sa laboratoryo kami tumuloy ay sa silid. Maya-maya pa'y pumasok na si Sir Jasper subalit umalis din kaagad ito pagkat may meeting sila.

4l-c. Sa pagkawala ng professor ang paghahari ng ingay sa silid, dahilan kung bakit nawala ang konsentrasyon ko sa pagbabalik aral. Habang abala sa pagrerepaso, biglang dumadaing si Eric at kita ko sa mukha ang pangangatog, nilalagnat pala siya't dahil magkaibigan kami, sinamahan ko siya sa clinic. Malapit ng mag-ikaapat ng bumalik si Sir Jasper at pinalabas na kaming lahat ng maaga. Habang vacant time, sa halip na mag-aral ang ilan kong kaklase'y mas pinili pa nilang magkaraoke. Ilang sandali pa'y bumalik na kami sa silid at habang di pa dumarating si Sir Jasper, puspusan ang aking pagrerepaso. Pagdating ay nagsimula na ang aming pagsusulit, dahil nakapag-aral naman ay naging sisiw lamang iyon sa akin subalit may ilang aytem na di alam ang tamang sagot, naghula-hula na lamang ako.

4l-d. Pagkalabas namin ay animoy uulan muli sa dilim ng kalangitan. Sunod-sunod ang pagguhit ng matatalim na kidlat na siyang ikinakagulat namin at labis na ang takot ko sa dibdib. Naibsan naman iyon ng makasakay sa bus. Itong si Colene, lakas mang-trip sa lalaking nakasakay sa kabilang bus kaya labis ang aming pagtawa. Sa sobrang tawa ko, di ko inaasahan ang pag-atake ng hika, buti na lamang at may dala akong inhaler. Habang nasa biyahe't sa lakas ng ulan ay mistulang ilog na ang Commonwealth Avenue at usad pagong pa. Pagdating ng bahay, di ko sinabi kay inay na inatake ako ng hika sa takot na mabubungangaan.


July 04, 2014
Friday
Year II-185

4l-e. Mukhang di maaliwalas ang lagay ng panahon at may pagbadya pa ng pag-ulan, sa sarap ng aking tulog at gawa na wala namang pasok ngayon, malapit ng mag-ikawalo ng ako'y magising. Sa pagkawala ng presensiya ng haring araw at sa lamig ng panahon, mainit-init at umuusok na kape ang naging agahan ko na siyang nagpawala sa ginaw na aking nararanasan. Matapos ang agahan ay tila lalo pang sumigla ang aking pakiramdam kaya mas lalo pa akong ginanahan sa gawaing bahay. Balak sanang lumabas at magkumpyuter subalit malakas na buhos ng ulan ang pumigil sa akin, nanatili na lamang ako sa bahay at walang ginawa kundi magkulwit ng Tablet. Ng ma-lowbatt at dahil walang ng maisipang gawin ay nanood ako ng telebisyon. Grabe ang sinapit ni Servando at iba pang sumasali sa Fraternity pagkat bukod sa bugbog ay daan-daang beses rin silang hinataw ng padel ng mga miyembro ng kapatiran kapag kanilang initiation na siyang dahilan kung bakit nakaratay ang mga ito sa ospital samantalang nakahimlay na sa kabaong si Servando. Hatawin ka ba naman ng dos por dos na padel ng maraming beses at sinong di makaka-survive sa Hazing?

4l-f. Nawa’y magsilbing aral at babala sa mga kabataang may balak sumali sa mga masasamang kapatiran pagkat maaaring matulad sila sa nangyari kay Servando, para sa akin ay nakakamatay ang sumali Fraternity kaya never kong papangarapin iyon kahit anung pagpupumilit nila na hikayatin ako. Pasalamat na lamang ako't walang ganyang pangyayari sa eskwelahan namin at kung sakaling mayroon ay huwag sanang panghinaan ng loob ang mga makakasaksi na magsumbong sa Dean's office ng sa gayo'y maagapan pa't di na manghasik pa ng krimen sa lipunan, salot kasi sa lipunan ang lahat ng kaanib sa masamang organisasyon. Balak ko pa sanang manood ng Baliwan Cinema na siyang nagpapasaya sa umaga ko subalit bigla akong inantok. Mga dapit hapon na ako nagising at dahil di na maulan sa labas, naisipan kong magkumpyuter.

4l-g. Sa sarap makipag-chat sa Facebook, ginabi na ko ng uwi't diretso lamon ng masarap na hapunan. Sa pagsapit ng gabi, nakakarinding ingay ng mga kabataan ang mauulinig at walang pasintabi ang bibig sa pagmumura, di na nakakapagtaka iyon pagkat kulang sila sa edukasyon at disiplina ng magulang. May ilan na nakakapag-aral ng maayos subalit nakakapagsalita pa rin ng di maganda't nakakasakit pa ng damdamin, sila pa kaya at di makukuha sa edukasyon ang kagandahang asal kundi nasa pag-uugali iyan ng tao, kunwari maliliwanagan kapag pinapangaralan subalit kukupas sa tagal ng panahon. Malapit ng mag-ikasampo ng ako'y mahimlay sa kama.


July 05, 2014
Saturday
Year II-186

4l-h. Malabahaghari ang pagdilat ko sa umagang kay ganda at ang kahapong makulimlim na tila nalulumbay ay kasalungat naman na ngayong maaliwalas at tila ngumingiti sa akin ang araw. Di pa gasinong gutom kaya kakarampot lamang ang nilamon ko. Tila mahuhuli na ko sa klase kaya anung pagmamadali ang ginawa ko't nakadagdag pa sa pangamba ang pagbigat ng trapiko subalit di pa naman nagsisimula ang klase pagdating sa Unibersidad. Mahaba pa ng bahagya ang oras kaya gumala muna kami. Maya-maya pa'y pumasok na kami sa silid at tungkol sa Artikulasyon ang tinalakay sa amin ni Sir Arnold. Mistulan kaming mga pre-school ng pagbigkasin niya kami ng patinig pero ng katinig na't ako ang napiling pagbigkasin ni Sir sa harapan, anung hirap sa pagbigkas kaya madalas nagkakamali at tawanan ang mga kamag-aral ko.

4l-i. Bukod pa dun ay tinalakay niya rin sa amin ang morpolohiya't sa aking natutuhan ay masyadong kumplikado ang pagbigkas at mahirap i-distinguish kung maragsa ba o mabilis ang salitang binibigkas. English naman ang sumunod naming asignatura't sa halip na English ang language namin, itinuro sa amin ni Ma'am Mactal ang French at Spanish, kahit paano'y may bagong salita at lenggwahe ang pumasok sa isipan ko. Karamihan sa mga kabataan ay mas nawiwiling matuto ng Korean kaysa sa English, di ko batid kung bakit o marahil ay naimpluwensiyahan na ng mga K-pop stars na dumarayo sa ating bansa. Maya-maya pa'y lunch break na't panay pagtitipid pa rin ang ginawa ko.

4l-j. Matapos tsumibog kaming magkakaklase, sa halip na bumirit sa bidyookeha'y nag-Selfie na lamang kami. Sa buong oras ay wala kaming ginawa kundi ipakita ang kanya-kanyang postura habang kinukuhanan ng litrato. Sa kaka-Selfie, malamang ay umabot na sa libo ang photos namin at sana'y i-upload nila sa Facebook. Dahil nasarapan sa Selfie, di namin namalayang Ala-una na't kailangan ng magtungo sa laboratory. Sa oras ng Chemistry, nagkaroon muli kami ng experimentation. Buti na lamang at may dala akong laboratory gown, kaya walang lusot sa maputi kong uniporme ang pagtalsik ng mga chemicals. Di ako ang pinuno pero parang ako na ang tumatayo sapagkat ako ang taga-organize ng mga equipment.

4l-k. Matapos ang experimentation, nagkaroon muli ng pag-uulat at maya-maya'y pinalabas na kaming lahat ni Sir Jasper sa laboratory. Gawa na kumakalam ang sikmura ko kanina pa, ipinangbili ko na ng street foods ang iniipong pera, maitawid lamang ang gutom. Ilang saglit pa'y nagtungo na kami sa silid. Panay ang kwentuhan ng mga kamag-aral ko kahit nasa harapan na si Sir Jasper at nagtuturo. Naubos na ang pasensiya ni sir kaya nasermunan kami, ang matalim niyang bibig at nanlilisik na mga mata ang nagpatahimik sa buong silid at ipinagpatuloy niya ulit ang pagtuturo. Kahit anung tutok ng mata ko sa pakikinig, wala pa ring pumapasok sa utak at iba talaga ang lesson ng Chemistry sa College.

4l-l. Maya-maya pa'y uwian na namin at sa aming paglabas ay malakas na buhos ng ulan muli ang sumalubong sa amin. Kaagad naman itong tumila kaya nakalabas naman kami. Gawa na magkukumpyuter pa ko, di na ko sumabay kina Jaimarri sa pag-uwi, buti na lamang at saktong nakita ko si Rhica na mag-isang naglalakad at siya ang nakasama ko sa pagtungo sa shop. Buwisit lang ako pagkat di binabasa ang files ko. Sinubukan ko na sa ibang PC subalit wala pa ring pagbabago't marahil ay sa card reader ko na ang may problema. Sa bagal din ng internet, di na ko nagtagal pa at umuwi agad. Pagod na pagod na ako ng umuwi kaya matapos maghapunan ay diretso hilata na sa kama.


July 06, 2014
Sunday

Year II-187

4l-m. Hindi pa man sumisikat ang haring araw ay gising na ko at gawa na nawala na ang antok, di na ko nagpaligoyligoy pa sa pagbangon. Saktong may nalutong manamis namis na Tsamporado si Ina at iyon ang naging agahan ko, sa sarap at tamis, naparami ng husto ang kinain ko kaya labis ang pagkaumay. Sa kaumayan, nahihirapan na ako sa pagkilos at hinayaan munang matunawan bago gampanan ang gawaing bahay. Saktong may pinapatugtog si Ama minus one na kanta na siyang ikinakagiliw ng aking pandinig, sa ganda ng tugtog ay lalo pa kong ginanahan sa gawaing bahay dahilan kung bakit pinag-igihan ko pa ng husto, sana'y ma-satisfy si ina sa mga linis ko.

4l-n. Matapos ang gawaing bahay, takdang-aralin naman sa Math ang inatupag ko't animo'y sentence sa haba ng sagot ng algebraic expression at nakakalito pa, maski sa Math ay iba na ang difficulties pagdating sa college at kailangang tama ang paggamit ng fundamental operation dahil kaunting mintis lamang, mali na ang sagot. Favorite subject ko ang Math, subalit anung hirap para sa akin at sakit sa ulo. Sa haba ng equation na kailangang i-simplify, inabot na ko ng dalawang oras sa pagsagot at solve. Sa sobrang abala ko sa pagso-solve, di ko namalayang tanghaling tapat na't kailangan ng kumain. May balak rin akong tumungo sa Ever Gotesco Mall upang bumili ng bagong card reader at matapos tsumibog, agad na akong nagbihis.

4l-o. Linggo ngayon at dahil walang pasok ay dagsaan ang mga madla sa Ever at nagtiyaga na lamang ako sa siksikan ng mga tao, makapasok lang. Pagpasok sa banyo ay saktong nagkita kami ni Morley, kinamusta ko siya subalit di man lamang niya ako pinansin at may pang-iirap pa ng mata, nabuwisit ako sa kanya subalit ayaw kong mag-eskandalo kaya hinayaan na lamang siya. Di ko batid kung bakit ang suplado niya. Pagkalabas ng banyo'y agad na akong dumeretso sa CD R King, kaagad kong tinesting sa Tablet ang card reader pagkabili't di pa nga nakakatagal sa aking kamay ay agad iton nasira at ipinapalit ko ito. Matibay tibay at di hamak na mas malaki ang ipinalit nila, kaso nga lang ay nadagdagan ang gastusin ko.

4l-p. Balak ko pa sanang magkumpyuter at isalpak ang bagong biling card reader subalit sa dami ng gumagamit, di ako makaupa sa Shop at umuwi na lang, sayang at magsi-save pa naman ako ng files. Nahihiya man ay kinapalan ko ang mukha sa pagtungo kila Auntie Caling, maisalpak lamang ang card reader upang i-save ang files. Wala roon sina Kuya Boyet maging si Tita Haydee samantalang di ko alam kung paano buksan ang computer nila pagkat iba ang central unit kaya naisipan kong bumalik na lang mamaya. Saktong naroroon na sina Kuya Boyet sa muli kong pagtungo sa kanila. Kaagad naman silang pumayag na makisalpak ako subalit kahit kadugo ko sila'y di pa rin mawala ang hiyang bumabalot sa dibdib. Nang mai-save ko ang lahat ng importanteng files ay di na ko nanatili pa sa kanila't kaagad ng umuwi. Lumalalim na ang gabi subalit gawa na mainit pa ang panahon ay di pa rin ako makatulog, malapit ng maghating gabi ng makatulog ng lubusan.


July 07, 2014
Monday
Year II-188

4l-q. Sumapit muli ang araw ng Lunes at balik nanaman sa dating gawi, ang kumayod at magbanat ng buto ng sa ganon ay matugunan ang walang katapusang pangangailangan. Kahit pungas pa rin ang mga mata at gusto pang palawigin ang oras sa pagtulog ay kailangan ng iangat ang sarili upang di mahuli sa pagpasok. Umaga pa lamang subalit napakaitim na ng kalangitan na animoy gabi't nagbabadya ang malakas na buhos ng ulan kaya may pagmamadali ako sa pag-alis. Laking pasalamat ko at di naman tumuloy ang ulan kaya pumasok akong tuyo at presko. Mayroon pala kaming mahabang pagsusulit sa Math kaya todo repaso ang ginawa namin habang di pa dumarating si Sir Dalope. Ilang saglit pa'y dumating na si Sir Dalope at nagsimula na nga ang long test. Naging sisiw lamang sa akin ang naturang pagsusulit kaya kaagad itong natapos. Sa oras naman ng General Psychology, di kaagad nakapag-discuss si Ma'am Joyce dahil may mga estudyanteng nagtungo't may mahalagang inanunsyo.

4l-r. Matapos angannouncement ay saka pa lamang sinimulan magturo ni Ma'am Joyce at wala pa ring pinag-iba ang lesson namin. Bago siya umalis, inanunsyo sa amin ni Ma'am Joyce na magkakaroon kami ng quiz sa susunod na pagkikita. Di ko na ibig pang kumalam ang sikmura kaya labag man sa kalooban ay kumain pa rin ako't bahagya lamang naibsan ang gutom na kanina ko pa tinitiis. Habang kami nag-uusap ni Anne Rose, bwisit at naimbyerna ako ng husto kay Clark Haven sapagkat harap-harapan niya akong binabara, di ko malaman ang dahilan o marahil ay trip niya talaga ako. Di ako natuwa sa mga pahirit niya kaya nag-init ang dugo ko subalit di na kami bata kaya sa halip na makipag-away ay sinakyan ko na lamang iyon.

4l-s. Nasabon siya ng husto sa mga sinabi ko't natameme na lamang. Matapos kumain, nagbidyooke muli kami't habang ako'y nakanta, inulit muli ni Clark Haven ang ginawa sa akin at sinasapawan ng husto ang boses ko maging si Arnulfo, doon na talaga ako nagsimulang magalit sa dalawa at dahil di ako makapagtimpi, nag-walk-out ako sa bidyooke't di na tinapos pa ang kanta. Kakainit ng ulo't kung makahiyaw ay kala may ibubuga ang boses. Kahit sabihin nilang biro lamang iyon, hindi ako nasiyahan at na-badtriplamang ang araw ko. Kila Glenn ako tumabi't inilabas ang lahat ng saloobin sa dalawa, todo pagpapayo ang ginawa nila sa akin at kahit paano'y nabawasan ang inis ko. Sa halip na kila Cathlyn na ako sumabay sa pagpasok, sila Glenn ang nakasama ko. Naantala ang pag-uusap namin ni Anne Rose kaya ipinagpatuloy namin iyon habang wala pa si Sir Marvin.

4l-t. Ngayong araw rin pala ang class election at palaisipan na sa akin kung sino-sino ang maihahalal sa class officer. Nang magsimula ang nominasyon, di ko akalain na manonomina ang pangalan ko upang ihalal sa pagkapresidente subalit di ako pinalad na maging presidente kundi si Marlou. Ng pagkabise-presidente naman ang pinaglalabanan at inomina muli ng kamag-aral ko ang aking pangalan, laking tuwa at gulat ko sapagkat ako ang hinirang bilang Vice President at first time ko lamang na maluklok sa ganung posisyon. Di ko ito hiniling pero napasaakin at nawa'y kayanin ko ang lahat ng responsibilidad na nakaatang sa akin. Nang mailuklok na ang lahat ng class officer, then Sir Marvin only began to teach us. We still have a performance ofWellness dance on Wednesday so instead we go home, we practiced.

4l-u. Ang dapat sanang nalalabing oras upang ilaan sa pag-eensayo, napurnada dahil may isang residenteng nagreklamo't naiingayan daw. Nagpaliwanag kami't pinakiusapan na payagan kaming mag-ensayo sa harapan ng bahay niya pagkat wala ng lugar na puwedeng pagdausan ng praktis subalit nagmatigas ito't nag-uumapoy pa ang mata, umalis na lang kami't di nagawa pang mag-ensayo. Pagkainis ang umiral sa dibdib ng karamihan sa kamag-aral ko't kanya kanyang labas ng saloobin. Sila Jaimarri lamang ang nakasabay ko sa pag-uwi.When I came home, matinding pagkahapo ang naranasan ko't labis ang aking panghihina kaya diretso Siyesta ako. The evening is nearby to come when I woke up and feel cheerful too. Gawa na di pa ko dinadalaw ng antok at wala naman pasok kinabukasan, nilibang ko muna ang sarili sa paglalaro ng Tablet.


July 08, 2014
Tuesday

Year II-189

4l-v. There is a bright outside when I woke up. The weather condition is not cozy, bagkus ay makulimlim pa nga na tila hinuhudyat muli ang malakas na buhos ng ulan, sayang at maglalaba sana ako ngayong rest day namin. Sa halip na ituloy ang minimithing balakin, paghuhugas ng plato't pagwawalis na lamang ng sahig ang pinagkaabalahan ko. Matapos ang gawaing bahay, naisipan kong magtungo sa labas at magkumpyuter. Nasarapan muli ako sa pag-online sa mga social media kaya heto at inabot ng dalawang oras subalit sulit naman, tinanghali na ako ng uwi sa bahay. Kasabay ng pag-uwi sa bahay ang biglaang pagkalam ng sikmura kaya diretso kain ako. Sa dami ng aking kinain, mukhang isang buwan akong di kakain sa kabusugan. Nanood rin ng telebisyon upang malibang subalit sa ingay ng kapatid ko na walang patid sa pag-ungol, naantala ang masaya kong panonood at minabuting patayin na lamang. May takdang aralin pala kami sa Social Science kaya naging abala ako sa paggawa nito.

4l-w. Habang abala ako sa paggawa ng takdang-aralin, ipinabatid sa akin ng kamag-aral na magkakaroon kami ng maikling pagsusulit bukas, bagay na nakaligtaan ko ng ianunsyo ni Sir Marvin. Ng matapos kong gawin ang reaction paper sa Social Science, diretsocomputer shop ulit ako upang mag-research. Habang ako'y naglalakad patungo roon ay saktong nakita ko sila Berna na may balak rin magkumpyuter at sumabay ako sa kanila. naging usad pagong ang internet connection na siyang aking ikinayamot kaya naudlot ang aking pag-research at umuwing walang dalang print-out. Batong-bato ako sa loob ng bahay kaya naisipan kong magtungo sa bahay ng kaibigan. Eksaktong isang buwan na kong di nakakabisita kina Regine (Miano) at sa kanila ko naisipang magtungo. Pagkatungo roon ay nadatnan kong abala sila sa panonood ng telebisyon at sila-sila na lamang ang nakatira.

4l-x. Abala man si Regine sa pag-aasikaso kay Baby Gian ay kakikitaang di niya iyon binabata't nag-e-enjoy pa nga ito bilang nanay. Sa pagpasok niya sa kwarto ay may malaking piyanong nakapatong sa kanyang dora box ang una kong napansin. Ibinebenta niya iyon sa akin subalit gusto ko man mapasakamay ang kanyang piano'y prinsipyo pa rin ang nangibabaw sa dibdib pagkat batid sa sarili na pagsasawaan ko rin iyon. Sumunod ay sa katabing bahay doon kila Shielana nagtungo't nag-usap kami. Ang kakulitan ni Valerie ang nagbigay aliw sa pananatili ko sa kanila't dahil na-enganyo kay Valerie, lumagom na ang kadiliman sa labas ng maisipang magtungo sa bahay. Anung sakit sa teynga na hatid ng ingay pa rin sa pagsapit ng gabi't hinihiling na umulan na ng sa ganun ay mapalayas sila. Nagrepaso pa ko sa Social Science bago mahimlay sa kamang kay lambot.


July 09, 2014
Wednesday

Year II-190

4l-y. Dakong ikalima ng umaga ako nagising at kahit di pa ibig ng sikmura na malagyan ng laman, nag-almusal pa rin ako pagkat baka hindi muling makakain mamaya. Pagdating sa eskwelahan, laking gulat ko at himala pagkat abala ang halos lahat ng kamag-aral ko sa pag-aaral na di ko malaman kung may quiz kami. Ipinabatid sa akin na may maikling pagsusulit rin pala sa General Psychology. Sa takot na makakuha ng markang singbaba ng Bulkang Taal, dali-dali kong binuklat ang aklat at aligaga ako sa pagkakabisado. Napakaikli ng oras upang irepaso ko ang lahat ng inaral namin kaya labis ang aking pagka-pressure. Hindi naman ako makapagrepaso ng ayos pagkat may ilan sa kamag-aral na sa halip na magsunog kilay, mas pinili pang makipagdaldalan. Kahit na nasa harapan na si Sir Dalope at nagtuturo, ipinagpatuloy ko pa rin ang pagrerepaso at labis na ang aking pagkadismaya pagkat walang pumapasok sa utak.

4l-z. Nang umalis si Sir Dalope at di pa dumarating si Ma'am Joyce, wala na kaming iba pang inatupag kundi ang magrepaso subalit binigyan pa kami ni Ma'am Joyce ng ilang minuto upang makapagrepaso pa. Maya-maya pa'y nagsimula na ang short quiz, may mga aytem na madali lamang para sa akin at sa pangkahalatan ay sisiw lamang ang mga katanungan, iyon nga lang ay di na-satisfy sa natamo kong marka at sayang pagkat di ko pa na-perfect, bawi ulit next time. Kahit nagwakas na ang maikling pagsusulit sa General Psychology ay di pa rin natatapos ang paghihirap ng utak sa pagrerepaso para naman sa Social Science. Gawa na ako'y nagtitipid talaga, sa halip na mag-ulam ng kanin ay Siopao at Siomai muli ang tanghalian ko.

4m-a. Matapos kumain ay may pagyaya sa akin sina Cathlyn na kumanta sa bidyookehan subalit batid kong bubulyawan muli ako nila Arnulfo at Clark Haven kaya todo tanggi ako at isa pa, may maikling pagsusulit sa Social Science at di ko nais lumagapak. Habang bakante ang oras namin ay todo pagrerepaso ako kasama sila Angel. Maya-maya pa'y nagtungo na kaming lahat sa silid, di pa dumarating si Sir Marvin kaya puspusan talaga ang aming pagrerepaso. Pagkarating ay agarang inanunsyo sa amin na walang magaganap na pagsusulit ngayon, tuwa ang namutawi sa dibdib kaya hiyawan ang halos sa amin. Nagturo lamang si Sir Marvin tungkol sa pananakop ng mga Kastila. Maya-maya pa'y dismissal time na, mayroon pa kaming Wellness dance practice sa PE kaya diretso Covered court kaming lahat. Sa kadahilanang mayroong pagtitipon sa Filipino para sa paghahanda sa buwang ng wika't isa ako sa inimbitahan ni Sir Arnold na dumalo, nagpaalam ako sa mga kagrupo ko.

4m-b. Ako at si Marlou lamang ang dumalo sa naturang organisasyon na kung tawagin ay Pluma at si Sir Arnold ang tagapanguna rito. Matapos magsalita ni Sir Arnold ay nagkaroon kami ng class election subalit di kami pinalad ni Marlou na maluklok sa anumang posisyon. Maya-maya pa'y nagpaalam na kami kay Sir Arnold pagkat may klase pa kami. Sa muli kong pagbabalik ay tuwa sa dibdib ang sumalubong sa akin pagkat na-perfect na ng kagrupo ko ang Wellness Dance at na-apreciate ko ang pagtutulungan nila kahit wala ako. Kung tutuusin ay nung sekondarya ko pa sinasayaw ang Wellness dance at kabisado ko na nga ang step kaya di na ko gaano pang nag-ensayo subalit ng oras na ako'y sumasayaw at saktong masaksihan iyon ni Sir Anton ay harapan niyang sinabi na wala raw sa timing, bagay na ikinababa ng tingin ko sa sarili subalit di ko iyon dinibdib at inisip na marahil ay kailangan ko pang pagbutihin sa pagsayaw.

4m-c. Maya-maya pa'y performance na namin at kahit naging dibdiban ang aming pag-eensayo, di pa rin maiwasang kabahan ang dibdib at ibinuhos ko na ang lahat ng galing, matapalan lamang ang lahat ng kritisismo na maaring makita ng mapanghusga kong kamag-aral. Matapos ang performance, sa wakas at nakapaghinga rin. Sa totoo lamang ay stressful ang araw na ito't halos ikalupaypay ko na sa pagod. Dahil sa malakas na buhos ng ulan, naging mabigat ang daloy ng trapiko pagdating sa IBP road at di ko inasahan iyon. Sa bigat ng trapiko, parang di kami umuusad at naisipang maglakad na lamang. Matapos ang kalahating oras na di gumagalaw ay sa wakas at nakausad rin, malapit ng mag-ikawalo ng makarating sa tahanan. Sa tindi ng pagod, kaagad na akong natulog.


July 10, 2014
Thursday

Year II-191
4m-d. Pumutok na ang liwanag sa kalawakan subalit patuloy pa ring namamayani ang antok sa buong katawang lupa ko. Inaantok man ngunit kailangan ng bumangon upang di mahuli sa pagpasok at mapalampas ang kinabukasang kay ganda. Sayang-saya ang pumasok sa eskwela't tila walang inaalala subalit biglang nagbago iyon ng ipaalala sa akin ng kamag-aral na magkakaroon pala ng maikling pagsusulit sa Filipino, may pagmamadali akong nagrepaso. Sadyang kay igsi ng oras kaya labis akong napi-pressure. Ilang sandali pa, pumasok na si Sir Arnold at nagsimula na ang maikling pagsusulit. Halos sumakit ang ulo sa kakaisip ng isasagot at kay linis ng papel, pilit man alalahanin kung ano ang itinuro subalit wala talaga. Ang kaninang napakatahimik na silid habang sumasagot, biglang umingay ng aksidenteng nabagsak ni Joshua ang ruler.

4m-e. Ikinairita na ni Sir Arnold ang ingay ng kamag-aral kaya na kami binigyan pa ng oras na tapusing sagutan ang test paper at nagtsek. Nang maiwasto, tila nalalantang gulay ang naging resulta ng pagsusulit at ikinalumbay ko iyon. Gayunpaman, marami pa namang pagkakataon at bawi na lamang sa susunod. Habang pinapalubag ko ang kalooban ng kamag-aral ay saktong narinig ni Sir ang aking sinabi't ako'y kanyang pinagsalitaan, maanghang man na halos ikapaso ng damdamin ngunit tinanggap ko at tama naman siya. Ito namang si Arnulfo at Clark Haven, ako ang kanilang sinisisi kung bakit di nila natapos ang pagsusulit. Hindi ko makaya ang mga sinasabi nila at sa totoo lamang, napipikon na ko sa dalawa't punong-puno na.

4m-f. Sa labis na yamot, di ko na mapigilan pa ang sarili't nakapagbitaw ng magagandang salita. Todo awat at pigil sa akin si Aroma habang pinapaulanan ko ang dalawa. Humupa naman ang nararasang galit sa dibdib pagkalipat ng ibang silid. Malapit ng matapos ang oras ng English subalit di pa pumapasok si Ma'am Mactal. Inakala naming di na ito darating at babalakin na sanang lumabas subalit napigil ng biglang pumasok si Ma'am Mactal at nagturo. Maya-maya pa'y lumabas na kami. Sa pagtungo ko sa Hilltop Square ang di inasahang paghingi ng tawad sa akin nilaArnulfo. Tila gumaan ang pasanin sa dibdib ng marinig iyon mula sa bibig kaya nagawa ng patawarin at nakipag-ayos, basta't huwag na silang uulit.
4m-g. Habang bakante ang oras, walang ibang inatupag kundi magbasa't makipagpalitan ng kuro-kuro. Pagsapit ng Ala-una ay tumungo na kami sa Science Laboratory. Sa halip na magkaroon muli ng experimentation ay nagturo lamang sa amin si Sir Jasper. Nakikinig ako pero di naman pumapasok sa utak ang kanyang itinituro't kay hirap intindihin. Matapos ay nagkaroon kami ng Activity. Makalipas ang higit sa tatlong oras, lumipat na kami ng silid at ipinagpatuloy sagutan ang Activity. Kakaunti lamang ang sasagutan kung mahirap naman, di namin matapos-tapos. Maya-maya'y pasahan na't kahit di tapos ay ipinasa na rin.
4m-h. Habang nagtuturo si Sir Jasper ang biglang pagsakit ng aking sikmura. Sa sakit, nawalan na ako ng konsentrasyon sa pakikinig, tiniis ko na lamang. Patuloy kong naranasan ang pananakit ng tiyan hanggang sa pag-uwi. Gawa di ko na makaya pang pigilan ang masamang laman, pagdaan ng SM ay bumaba ako't dali-daling napasugod sa banyo. Guminhawa ang pakiramdam ko ng mailabas subalit laking pagsisi ko naman at kung ano-ano kasi ang kinain kanina. Pagdating ng bahay at dahil nasisiraan ng sikmura'y di na ako gaanong nagkakain-kain. Matapos manuod ng telebisyon, kaagad na kong natulog.


July 11, 2014
Friday

Year II-192


4m-i. Pagsapit ng madaling araw ay nagising na lamang ako dahil sa biglaang pagsakit ng tiyan, di ko na makaya pa ang sakit kaya dali-daling napasugod sa banyo. Guminhawa naman ang pakiramdam ng mailabas subalit panandalian lamang at bumalik muli ang sakit. Makailang ulit na akong balik sa banyo at marahil ay nasira ang tiyan ko, dahil sa pagdurumi ko kaya nasira na ang masarap sanang tulog. Huminto naman ito pagputok ng liwanag at bahagya akong nakaramdam ng panghihina kaya nagpahinga pansamantala. Di ko batid kung ano ang pagkaing dumali sa tiyan at sana'y humupa na ang aking LBM. Ng makaramdam ng konting lakas, saka pa lamang ako kumilos para gampanan ang responsibilidad. Kahit di kagandahan ang aking kalagayan, masaya pa rin ako pagkat may silbi ako sa mundong ito.

4m-j. Muli akong nahiga matapos ang gawaing bahay. Maya-maya pa'y sumungit nanaman ang timpla ng tiyan ko't dali-daling nagbanyo, di lang marahil LBM ito kundi Diarrhea na't may nainom o nakain marahil na kontaminado ng bakterya. Dahil sa walang puknat ang aking pagdumi na malatubig naman kung ilabas, di ko dinamihan ang kain, sayang lamang pagkat ang sarap pa naman ng ulam namin. Diretso nuod ako ng telebisyon matapos kumain. Hindi ko naibigan ang sinambit ng pari sa dalagitang maagang nagkaroon ng anak pagkat sa halip na pangaralan ng maganda, ipinahiya lamang niya ito sa kaanak nito at wala siyang karapatang tumanggi sa pagbibinyag ng bata.

4m-k. Isa pa'y di na niya dapat pang idawit ang personalidad ng babae at labas na siya doon. Kahit na mali ang magkaroon ng supling sa murang edad lalo na kung wala pa itong kakayahang buhayin ay di dapat natin sila hinuhusgahan ng masama bagkus ay pangaralan ng maayos at gabayan ng magulang ang tamang pagpapalaki sa kanilang apo. Diretso Siyesta ako matapos manood ng telebisyon at kailangan kong matulog upang lumakas. Di na madalas ang pagdurumi ko sa pagsapit ng hapon maging sa gabi na siyang ipinagpapasalamat ko. Kahit na tumigil na ang LBM, hinay-hinay pa rin ako sa pagkain. Kahit weekend bukas at gawa na may pasok naman, di na ko nagtagal pa sa pagtutok sa telebisyon at kaagad ng natulog.


July 12, 2014
Saturday

Year II-193

4m-l. Tirik na ng husto ang haring araw sa labas ng ako'y magising. Malapit ng sumapit ang ikapito ng umaga kaya agad akong bumangon at nag-almusal. Medyo nagmamadali na ako sa pagkilos at baka mahuli sa pagpasok pero pagdating sa eskwela, sina Jaimarri pa lamang ang namamataan kong sarap na sarap sa pagkain ng street foods. Inudyok nila akong kumain ng street food subalit panay ang pagtanggi ko sa takot na masira muli ang sikmura at maulit ang nangyari sa akin ng Huwebes. Tuksong tuksong na may halong pagkatakam na akong tuhugin ang Kwek-kwek at Fish ball pero pagkapangamba ang pumigil sa akin. Lumipas pa ang ilang minuto, pumasok na kami sa silid.

4m-m. Tungkol sa sinaunang letra ng ortograpiyang Pilipino na kung tawagin ay Alibata ang itinuro sa amin ni Sir Arnold at dahil walang kasanayan ang kamay sa pagsulat niyon, parang gumuguhit lamang kami't di sakto ang pagkakahawig sa orihinal na nakasulat sa pisara ang pagsulat namin ng Alibata.  Matapos magturo, nagkaroon kami ng tunggalian sa pagsulat ng Alibata at todo dasal ako, manalo lang ang aming grupo. Nang ako na ang nakasalang sa pagsulat, matinding kaba ang namutawi sa dibdib at tawang-tawa ako sa sulat ko pagkat mistulang arabong hirap intindihin. Sa huli, ang grupo nila Aroma ang nagwagi't pumapangalawa lamang kami, gayunpaman ay nagpapasalamat pa rin ako.

4m-n. Matapos ang oras ng Filipino, lumipat na kami sa ibang silid para sa English. Nagturo lamang si Ma'am Mactal tungkol sa subject verb agreement, matapos niyon ay nagkaroon kami ng maikling pagsusulit. Kahit todo ang pakinig ko, nalilito pa rin ako sa pagsagot na siyang nagresulta kung bakit di katayugan ang natamo kong marka. Maya-maya pa'y lunch break na. Kahit limpak-limpak ang laman ng pitaka ko, di ko pa rin ginasta pambili ng pagkain at sa totoo lamang ay nagtitipid talaga ako. Maya-maya pa'y ginutom na ako at wala ring napuntahan ang aking pagtitipid. Habang bakante ang oras namin, kwentuhan ang ginawa naming magkakaklase na may halong hagalpakan, ang saya ng araw ko dahil sa kanila.

4m-o. Ilang saglit pa, nagtungo na kami sa Laboratory. As usual, experimentation muli ang ginawa namin sa buong oras ng Chemistry Laboratory at ibayong ingat talaga sa paghahalo ng Chemicals. Natapos ang experimentation na di pa sumasapit ang dismissal time kaya umidlip muna ako. Habang ako'y naidlip, nakaramdam ako na tila may humihimas sa likuran, lumingon ako't si Clark Haven pala iyon. Pagkalingon ko, labis ang pagkagulat niya at dinaig pa si Darna kung makasigaw. Maya-maya pa'y pinalabas na kami ni Sir Jasper at sa silid naman nagtungo. Mga dakong ikaanim na ng gabi ng kami'y makauwi. Tamang kwentuhan lang kay Princess habang nasa biyahe kaso sa lamig ng bus, nanuyo ang labi ko. Dahil mabigat ang daloy ng trapiko sa lansangan, inabot na ko ng nagmamadaling ikawalo sa pag-uwi. Panonood ng telebisyon agad ang inatupag ko. Maya-maya pa'y nahiga na ko sa kama at natulog.


July 13, 2014
Sunday

Year II-194


4m-p. Nakakasilaw na ang sinag ng araw na tila masakit sa mata ang gumising sa akin, Alas-otso na pala kaya kaagad na akong bumangon at nag-almusal. Ang kasiglahan sa kalooban, patuloy na umiiral at hiling ko'y magpatuloy ang ganung pakiramdam upang makayang gawin ang kung ano ang pinapagawa. Kapag may sigla talaga sa dibdib, parang gusto mong gawin ang lahat kahit batid mong nakakapagod. Dahil sa kasiglahan, lalo pa akong ginanahan sa pagwawalis at pagpupunas, di pa iyan at maging sa ilalim ng katre'y walang patawad ang alikabok sa mahusay kong pagwawalis. Matapos magwalis at magpunas ay paghuhugas naman ng plato ang pinagkaabalahan ko. Marami-rami na akong ginawa subalit ni katiting na pagod ay di man lang nagpaparamdam at tila nanatili ang likas kong sipag. Maaliwalas ang lagay ng panahon kaya may balak akong maglaba, iyon nga lang ay pinagbawalan ako ni ina pagkat ayaw niya raw ako mapagod, bait talaga ni ina at ramdam ko ang kanyang pag-aalala.

4m-q. Nababato ako kapag walang ginagawa at pakuyakoy ang malaking biyas kaya naisipan kong magkumpyuter. Sa pagtungo ko sa shop, di pa gasinong siksikan at di karamihan ang gumagamit ng PC kaya di gasinong maingay at masangsang na siyang ikinakagalak ko subalit ng maglaon, unti-unti ng nagsidatingan ang costumers hanggang sa umingay na ang mundo. Di ko pa ibig ang umuwi subalit di ko na makaya pang pakinggan ang nakakarinding ingay kaya umalis na ko. Pagdating sa bahay ay laking tuwa ko pagkat may bago na kaming monitor at mapapakinabangan muli ang computer, di ko na kailangan pang lumabas. kagagaling lamang ng mata sa computer sa labas kaya ipinagpahinga ko ito.

4m-r. Pagsapit ng tanghali, animoy Summer sa tindi ng init sa labas, hindi tuloy ako makatulog at upang antukin, naglaro ako ng Tablet. Kahit na ginawa na ang lahat, di pa rin makatulog kaya di na lang nag-Siyesta. Mga dakong Ala-una ng magtungo kami ni Mama sa SM Fairview upang bilhan ako ng puting sapatos. Bihira lamang ang gumagamit nun kaya pahirapan sa amin ang paghahanap at ng makakita, di naman makayang bilhin pagkat malaginto ang presyo pero sa kadahilanang kailangan ko talaga iyon sa pagpasok, binili pa rin namin. Nang makapamili ng sapatos ay nagtungo naman kami sa food court ni ina. Hindi ako nakapagpananghalian at gawa na kanina pa kumakalam ang sikmura, mabilis pa sa Alas-kwatro kung makalantak ng pagkain.

4m-s. Nang mabusog sa masarap na kainan, sa Fairview Terraces naman ang tungo namin ni Mama subalit malakas na buhos ng ulan ang pumigil sa amin. Hinayaan munang tumila ang ulan at ng bahagyang humina'y lumarga na kami patungong Fairview Terraces. Di hamak na mas malamig doon kaysa sa SM at napakakintab pa ng sahig, Wala kaming ginawa ni ina kundi ang lumibot sa mall. Pagdaan namin sa Activity center ay saktong di mahulugang karayom ang dami ng tao, iyon pala'y may Mall show ang mga cast ng Ikaw Lamang.

4m-t. Pagkakataon ko na upang makita sa personal sina Coco Martin kaya nanatili kami doon. Sa oras na banggitin ang pangalan ni Coco Martin, di magkandamayaw sa paghiyaw ang libo-libong fans at masyado ng nagkakagitgitan. Maya-maya pa'y nagpakita na sa stages sina Marion Aunor at Jovit Baldovino. Mestisuhin pala si Jovit Baldovino kung sa malyuan at ng si Coco Martin na ang magpakita sa stage, wala ng humpay ang sigawan at lalo pang sumidhi ang gitgitan. Kahit binabalya na ng mga siko't mabingi sa basag na tinig ng mga nahiyaw ay natutuwa pa rin ako pagkat sa muling pagkakataon ay nakakita ng artista.

4m-u. Ang mga ngiti sa labi ng napakakisig na actor, nakakakilig at swerte mo kung makadaupang palad mo siya. Parang bumulwak na tubig ang pag-alis ng mga fans maging kami ng matapos ang Mall show at siksik, liglig at umaapaw ang kanyang kakisigan. Bago umuwi ay bumili muna kami ni Mama ng grocery items sa Pure Gold.Pagdating sa bahay, matinding pagod ang inabot ko pero ayos lanang. Para sa akin, isa ang araw na ito sa di ko makakalimutan. Sino ba naman ang di matutuwa kung makakita ka ng artista lalo na kung idolo o crush mo pa.


July 14, 2014
Monday

Year II-195

4m-v. Sa sobrang pagkaantok ko'y pahirapan sa akin ang idilat ang mata at bumangon ng napakaaga subalit kinabukasang kay ganda ang magiging mailap kapag pinairal ang katamaran kaya bumangon pa rin ako. Bahagyang naibsan ang pagkapungas ko ng makahigop ng kape. Animoy walang daratal na unos sa rikit ng panahon na siya pa lalong nagpagana sa akin upang pumasok. Pagdating sa eskwela, manaka-naka pa lamang ang pagdating ng mga estudyante, di muna ako pumasok sa silid at sumama kila Jaimarri sa paggala. Maya-maya’y nagtungo na kami sa silid at saktong nasa pisara na si Sir Dalope. About Algebra pa rin ang itinuro niya sa amin, nagugustuhan ko ang lesson pagkat di sakit sa ulo ang pagso-solve kaya ng recitation, palaging ako ang active.

4m-w. Sa oras naman ng General Psychology ay tungkol naman sa Human behaviour ang pinag-aralan namin, Interesting pa rin ang lesson sa kabila na may mga bagong term akong nalalaman na hirap pag-aralan at nawawala agad sa isipan. Maya-maya pa'y lumabas na kami sa silid at nagtungo sa karinderya. Medyo nakakaramdam na ng gutom kaya ang dapat sanang pag-iipon ay naudlot muli. Malapit-lapit na rin ang Preliminary test kaya pagrerepaso ang inatupag namin matapos kumain. Ang seryoso at dibdiban naming pagrerepaso, nauwi sa kwentuhan kaya di na ko nakapag-aral pa ng matiwasay. Mga dakong Alas-dose ng bumalik kami sa silid. Hindi pumasok si Sir Marvin kaya anung ingay sa silid at bilang Vice President, wala akong ginawa kundi ang magpatahimik.

4m-x. Tumahimik naman sila, iyon nga lang kapag di sinasaway ay manunumbalik ang ingay at parang di kolehiyo kung mag-isip ang mga kamag-aral ko. Malapit na ang dismissal time subalit di pa rin dumarating si Sir Marvin kaya nagpasya na kaming lumabas. Kinumbida ako ni Jaimarri na dumalo sa kaarawan ni Rona ngunit patumanggi ako dahil kulang ang pamasahe ko. Sumabay na lamang ako kina Eric sa pag-uwi. Bahagyang bumuhos ang napakalakas na ulan na sinabayan pa ng pagkulog pagdating sa bahay na siyang ikinasindak ko.

4m-y. Pagkabukas ng radyo, may paparating palang Bagyo na pinangalanang Glenda at nagbabantang manalasa rito sa Kalakhang Maynila. Tumila naman ang ulan kinalaunan at sa pagtila ng ulan ang pagtungo ko sa computer shop upang mag-research. Ang dapat sana ay pagre-research para sa takdang-aralin, nauwi sa pakikipag-chat at panonood ng parodya sa Youtube kaya inabot ako ng takipsilim sa pag-uwi. Dahil sa may paparating na bagyo, inanunsyo ng local ng pamahalaan na walang pasok rito sa Quezon City bukas. Nawa ang Bagyong Glenda na pinapangambahang magdulot ng malaking pinsala dahil sa taglay nitong lakas ay huwag sanang mangyari gaya ng sa Bagyong Yolanda. Nakataas na sa Signal number 1ang Kalakhang Maynila subalit naging maalinsangan naman ang gabi na siyang nagpawala sa masarap kong tulog.



July 15, 2014
Tuesday

Year II-196

4m-z. Dahil sa inaasahang paghagupit ng napakalakas na Bagyo, wala ng pasok ang halos lahat dito sa Kalakhang Maynila kaya masaya muli ang mga tsikiting. Nataon pa sa day off namin na nasuspinde ang klase kaya sige pa rin ako sa pagtulog hangga't inaantok. Sa kabila na nakataas na ang Signal number 2 sa Metro Manila ay di pa ramdam ang epekto ng bagyo at kung tutuusin ay maaraw pa nga. Sinamantala ko ang magandang panahon sa paglalaba ng mga tubal at bag, kaso nga lang ay biglang kumulimlim kung kailan ako'y nagsasampay at laking pangamba ko na baka di na magpakita ang araw. Maya-maya pa'y nagpakita muli ang araw at nawa'y magpatuloy ang maaliwalas na panahon hanggang hapon upang matuyo ang mga sinampay ko. Matapos magsampay, pagwawalis at pagpupunas naman ang inatupag ko at kahit marami na ang nagawa ko, kering-keri ko pa rin ang gawain. Pansamantala akong naupo matapos ang gawaing bahay sabay kulwit ng mumurahin pero swak na Tablet.

4n-a. May balak sanang magtungo sa bahay ng kaibigan pero nagbabadyang sungit ng panahon ang pumigil sa akin at mabuti ng nasa bahay lang ngayong panahon ng bagyo upang di malagay sa peligro ang buhay. Nagpakalibang ako sa paglalaro ng Tablet hanggang sa magtanghali at ng mategi, panonood naman ng telebisyon ang inatupag ko. Animoy walang bagyo sa aliwalas ng panahon dito sa Kalakhang Maynila pero dama na ang bagsik ng bagyo sa Kabikulan. Hangga’t di pa tumatama sa lupa, todo paghahanda na ang mga lokal na pamahalaan maging mga residente. Nawa’y lumihis ang Bagyong Glenda upang wala ng ari-arian ang mapinsala at buhay na masayang at maalis ang pangamba sa dibdib.

4n-b. Sa pagsapit ng hapon ang bahagyang pagdilim ng kalangitan, hudyat na ito marahil ang pagsisimula ng epekto ng bagyo hanggang sa bumuhos ang malakas na ulan. Buti na lamang at natuyo na ang mga sinampay ko at salamat sa presensiya ng araw kahit paparating si Glenda. Naging maulan na ang panahon hanggang sa gumabi. Ang mga puno maging ang kabahayan ay di sinanto ng malakas na hangin at halos nag-zero visibility na ang kapaligiran dahil sa lakas ng ulan doon sa Bicol. Nakakatakot isipin na kung ano ang bagsik na ipinatikim ng bagyo ay mararamdaman bukas dito at kahawig ang bagsik ni Glenda kay Yolanda, marahil ay mag-ina sila. Magdamag na bumuhos ang ulan dahilan kung bakit di ako nakanood ng paboritong programa. Mga dakong Alas-onse ng magsimulang maramdaman ang pagbugso ng hangin at isailalim ang Metro Manila sa babala bilang tatlo.


July 16, 2014
Wednesday

Year II-197

4n-c. Dahil sa pangambang mawasak ang tahanan at abutin ng baha habang ako'y himbing sa pagtulog, buong magdamag kong binantayan ang kapaligiran at makikita ang pagsayaw ng mga puno sa lakas ng hangin at may ilan na ang nabuwal. Mga dakong Alas-kwatro na ako nakatulog at Alas-sais naman ng umaga nagising. Ang malakas na hampas ng hangin, lalo pang lumalakas at animoy gabi pa lamang sa dilim ng kapaligiran, wala na ring humpay ang pag-ulan. Damang dama na talaga rito sa Kalakhang Maynila ang bagsik ng Bagyong Glenda. Napakalakas ng hangin na tipong kayang iangat at paliparin ang yero at sa lakas nito, baka tahanan namin ay lubhang mawawasak. Sa lakas ng hampas ng hangin, marami sa mga bungang prutas namin ang nagsilaglagan at marami na ring mga sanga-sanga ang humahambalang na sa daan. Kung ikukumpara'y di hamak na mas malakas ang Bagyong Glenda kaysa sa Bagyong Milenyo na nanalasa, walang taon na ang nakararaan.

4n-d. Tumagal ng halos tatlong oras ang paghagupit ng bagyo at sa lakas ng pagdaan nito, nawalan kami ng kuryente at marahil buong Kalakhang Maynila ay balot sa black-out. Sa paghupa ng bagyo ay tumambad ang mga nagliparang yero at kitang kita ang bakas na iniwan ng bagyo. Swerteng di naman nawasak ang bahay namin kahit malakas ang bagyo at walang ni isa sa pamilya namin ang nasawi na siyang aming ipinagpapasalamat. Sinuyod ko ang kapaligiran at di naman lubhang nasira ang mga kabahayan, iyon nga lang pagdating ko sa may Sampaloc ay bumagsak ang malaking puno at sa kasamaang palad ay dalawang kabahayan ang nabagsakan, lupit talaga ng Bagyong Glenda at kakaawa ang kanilang sinapit.

4n-e. Maya-maya’y umuwi na ako at natulog. Mga ikatlo na ng hapon ako gumising at wala pa ring kuryente, lumabas ako at nagmasid masid kung saang lugar ang may kuryente. Pagdaan kina Tita Cleng, tumigil muna ako sa kanila at nangamusta. Nagagalak ako pagkat kumpleto pa rin ang pamilya nila, kaso nga lang ay maraming puno ng niyog sa kanila ang nagsitumbahan at muntikan na ring mahagip ang bahay nila. Maya-maya pa'y umalis na ako sa kanila at kina Auntie Andrea naman balak magtungo, nagbabakasakaling may kuryente sila. Habang naglalakad patungo sa kanila ay saktong nagkita kami ni Cathy sa JOLIA Church at inaya niya akong pumasok pagkat may bible study sila. Matagal tagal ko na rin hindi nakikita sila Pastora Anna kaya itinigil ko muna ang aking balakin at nakipagkamusta sa kanila.

4n-f. Di naging hadlang ang kawalan ng kuryente ang pananalig namin sa Diyos at nagpapasalamat kami pagkat walang ni isa ang napahamak sa amin sa pagdaan ng malakas na bagyo. Matapos ang pagdarasal ay nag-bible study kami. Kahit ilang sunday mass na ang di ko nadaluhan at Fellowship bible study, mainit pa rin ang pagtanggap nila sa akin at masaya silang kasama. Pumatak na ang Alas-sais ng matapos ang aming bible study. Balot ang buong kapaligiran sa dilim at tanging kandila o lampara lamang ang nagbibigay liwanag sa amin, ipinabatid ni Cathy na wala ring kuryente maging sa Taas kaya di na ako tumuloy kila Auntie Andrea. Dahil walang kuryente at di naman makanood ng telebisyon, maaga kaming natulog. Gaano man katindi ang pagsubok na humahamon sa buhay, kakayanin basta nagkakaisa't nananalig sa dakilang maylalang.


July 17, 2014
Thursday

Year II-198

4n-g. Natapos na rin ang malaking unos na dumagok sa milyon-milyong Pilipino kaya naman sa aking pagmulat ay nagpakita muli ang haring-araw na animoy hinuhudyat ang bagong pag-asang makakabangon sa pinsalang dulot ng bagyo. Kahit binagyo at wala pa ring kuryente, nanatiling masigla at maganda pa rin ang umaga ko. Habang binabagtas ko ang lansangan patungong eskwela, kitang-kita ang bakas ng Bagyong Glenda. Mga punong nagkabali-bali at maraming mga sanga ang nakahambalang sa daan, may ilang kabahayan rin akong nakitang tuklap ang bubong at malala ang tinamong pinsala. Dahil sa nagkalat na sanga at dahon na ngayon pa lamang nililinis, nagdulot ito ng matinding trapik. Buti na lamang at di ako nahuli sa pagdating at mga ilang minuto pa bago nagsimula ang klase namin.

4n-h. Swerte namang di napinsala ang Our Lady of Fatima University at buo pa rin kaya tuloy ang klase namin. Maya-maya pa, pumasok na kami sa silid at dahil sa susunod na buwan na ang buwan ng wika, isa-isa kaming pinagtula ni Sir Arnold. Nang ako na ang magtutula, ibinuhos ko talaga ang lahat ng aking galing kaso di ako sigurado kung naibigan ba ng aming professor ang paraan ng pagbigkas ko. Hindi ko akalain na isa ako sa mapipili ni Sir upang sumali sa sabayang pagbigkas at si Allyson ang tumayong leader namin. Ibig ko pa sanang sumali sa paggawa ng tula subalit di ako pinayagan ni sir at malaki raw ang pangangailangan niya sa akin sa PLUMA.

4n-i. Maya-maya’y lumipat na kami ng ibang silid. Sa oras ng English, sumagot lamang kami sa workbook at habang abala sa pagsagot ay inanunsyo sa amin ni Ma'am Mactal ang tungkol sa Preliminary test. Iba talaga ang sistema ng exam dito sa unibersidad pagkat shading the correct letters ang paraan ng pagsagot at automatic ang checking pagkat ipapasok ang naturang answer card sa machine, hanep! Kasabay ng pagtatapos ng English time ang pagtatapos ng announcement ni Ma'am Mactal. Kanina pa kumakalam ang sikmura kaya napatsibog ako ng husto at wala lang sa akin kung ako lamang mag-isa, basta ma-enjoy ko ang pagkain. Maya-maya pa'y dumating na sina Angel (Vera), may kasama na ako sa pagkain at salo salo kami.

4n-j. Matapos kumain ay naging abala kami sa pagsagot ng worksheet sa Chemistry. Mga dakong Ala-una ng maisipan na naming magtungo sa laboratory. Biglang sumama ang pakiramdam ko kaya sa halip na ilaan ang oras sa pakikipagdaldalan ay nagpahinga na lamang ako. Naging abala ang halos lahat sa amin sa pagsagot ng worksheet, ang iba ay hobby na ang pangongopya. Medyo tinamaan ako ng lintik na kamalasan pagkat angcellphone na hiniram ko kay Joan, nawawala. Saan-saang sulok ko na hinalughog subalit di pa rin masumpungan at malamang ay sasabog iyon sa galit pero di naman pala at sinabi niyang ayos lamang iyon. Hindi ako makapaniwala sa naging reaksyon ni Joan at naging mahinahon lamang ito. Maya-maya’y tsinekan na namin ang worksheet at sa di kagandahang resulta, di katayugan ang nakuha ko, bawi na lang sa prelim exam. Mga dakong Alas-sais ng pauwiin na kami ni Sir Jasper. Medyo minalas muli ng lagay pagkat umuulan at nakalimutan ko pang magdala ng payong, buti na lamang at may payong sila Glenn kaya sa kanila ako sumabay sa pag-uwi. Pagkauwi, laking tuwa ko sapagkat naibalik na ang kuryente kaya tamang nuod muli ako ng telebisyon. Matapos manood ay natulog na ako't di na rin maalinsangan ang gabi.


July 18, 2014
Friday

Year II-199

4n-k. Kay tulin ng takbo ng panahon at biruing Biyernes na pala at dadako nanaman tayo sa susunod na linggo. Masaya ako, di lamang dahil rest daynamin kundi dahil gaanon man katindi ang nagdaang kalamidad, heto pa rin tayo at nanatiling nakatayo at matatag. Kahit na sabihing maraming kapintasan sa pag-uugali nating mga Pinoy, pagdating sa oras ng kalamidad ay doon nakikita ang pagtutulungan natin sa isa't isa na siyang sumisimbolo upang masabing likas sa mga Pilipino ang pagkabayani, di lamang pagkabayani kundi masiyahin rin ang mga Pinoy at kahit ilang dagok ang dumating sa buhay, di basta pananaig ang masang Pilipino at kakikitaan pa rin ng may ngiti sa labi na animoy wala lang sa kanila ang problema, iyan ang tunay na Pinoy, di marunong sumuko sa anumang pagsubok na dumaan at di nawawalan ng pag-asa.

4n-l. Sa kasarapan ng aking pagtulog, mga dakong ikawalo na ako bumangon. Malapit na ang Prelim namin kaya diretso aral ako matapos ang gawaing bahay at nawa'y di ako bumagsak. Mga dakong tanghali ng itigil ko ang pagrerepaso at kumain. Maya-maya pa'y nagkaroon muli ng brownout. Naging maalinsangan ang panahon at idagdag pa ang kawalan muli ng kuryente kaya hirap ako sa pag-Siyesta. Katamad mag-aral kapag walang kuryente, di ko ibig ang nakaupo lamang at nakatingin sa kawalan kaya nagpakasasa ako sa paglalaro ng Tablet. Naibalik naman ang suplay ng kuryente bago sumapit ang dilim.

4n-m. Kahit puro kamalasan ang nangyari sa akin kahapon ay swerte pa rin ako pagkat may kuryente, tubig at sapat ang pagkain namin, di tulad ng iba na lubha ring sinalanta ng bagyo ang nagdurusa pa rin sa init at dilim. Nilinaw ng DOE na rotational brownout ang naganap kanina at magpapatuloy iyon hangga't di naayos ng husto ang karamihan sa plantang winasak ng bagyo. Buti na lamang at nakanood pa ko ng Ending ng Dyesebel at may natutuhan ako sa ending, iyon ay magpatawad at makipag-ayos sa kaaway, labag man para sayo ang gawin iyon. Hiling nga ng iba, "sana, araw-araw ay Pasko" upang palaging magkaayos at walang hidwaan sa isa't isa pero para sa akin, Pasko man o hindi ay palaging magkaroon ng kaayusan at walang away. 



July 19, 2014
Saturday

Year II-200

4n-n. Sarap pang humilata ng lagay sa kama sapagkat nananatili pa rin ang antok subalit sa kagustuhang makapasok ay di ako nagpanaig. Dahil kailangan ng permit upang makapag-take ng exam, pagdating sa eskwelahan ay agaran akong nagtungo sa Registrar office. Nang makakuha ng permit, diretso akyat na ko at saktong nakikita kong abala sa pagrerepaso ang mga kamag-aral ko, magkakaroon pala ng long test sa Filipino, kaso wala pa akong aklat at nanghiram na lamang sa kaklase subalit ayaw naman ako pahiramin pagkat wala silang reviewer, paano na tuloy ako? Sa halip na solohin ay nakihati na lamang ako. Naging abala ang halos lahat sa amin sa pagrerepaso sa kagustuhang makapasa sa naturang pagsusulit. Maya-maya pa’y pumasok na kami sa silid at nagpatuloy kami sa pagrerepaso hangga't di pa nagsisimula ang pagsusulit.

4n-o. Ilang minuto makalipas, nagsimula na ang pagsusulit at hindi ito naging biro. Nakapagrepaso nga ako subalit halos mangamote ako sa pagsagot at paniguradong bagsak ang matatamo kong marka. Ilang saglit pa'y ipinasa na namin ang test paper at dumako na kami sa ibang silid. May long test rin pala sa English kaya buklat agad ng aklat. Di rin naging madali para sa akin ang pagsusulit at nakakalito kung alin sa mga choices ang dapat piliin. Matapos ang pagsusulit ay lumabas na kami at nag-lunch break. Balak ko sanang sumama kina Jaimarri patungong SM subalit mas pinili kong magpaiwan at may long test pa kami sa Chemistry, aral muna bago lakwatsa. Mag-isa na lamang akong nagtungo sa Canteen, buti na lamang at nandoon sila Mika at nakisalo ako sa kanila sa pagkain.

4n-p. Matapos kumain, sinimulan na namin ang pagrerepaso kaso di naman makapagrepaso pagkat ang ingay ng mga nagbibidyooke. Sinamahan muna namin si Joan na kukuha ng uniporme bago magtungo sa laboratory. Sa haba ng pila sa elevator, kasing haba ng EDSA ay nagpasyang gumamit na lang ng hagdan kaso matinding pagkahapo ang inabot namin pagkarating ng laboratory. Maya-maya pa'y nagsimula na ang long test, hindi naging istrikto ang professor namin sa pagmamasid kaya ang kopyahan, naging talamak at animoy team work na ang nagaganap. Habang abala sa pagsagot, lumapit sa amin si Joshua at biglang sinabi sa akin na "Ang grade ko raw parang buhok" tinanong ko siya kung bakit at ang itinugon, bagsak daw.

4n-q. Di ako natuwa sa pahirit niyang linya at napakahangin niya, akala ko mabait, di naman pala. Hindi man lamang niya inalam kung ano ang reaksyon ko at humingi ng tawad at basta na lamang umalis na pangisi-ngisi. Maya-maya’y tseking na at karamihan sa nakuha ng kamag-aral ko, ang tataas subalit ay di pa rin ako pinalad na makakuha ng mataas na marka. Ayos lamang iyan at ang mahalaga, di ako nangduga. Mga Alas-kwatro ng lumipat kami sa silid at pansamantalang umalis si Sir Jasper pagkat may inaasikaso. Bago siya umalis, ipinabatid niya na magkakaroon kami ng recitation mamaya. Sa pagkawala ng guro, sa halip na magrepaso ay pakikipagdaldalan ang inatupag ng kamag-aral na siyang nagpaingay. Sinaway ko sila subalit tila teyngang kawali at itinuloy pa rin ang ibig gawin, hinayaan ko na lamang sila at masasayang lamang ang oras ko. Sa ingay, di na ko nagrepaso pa at nakipagkwentuhan na lamang kina Eric at Anne Rose.

4n-r. Sarap na sarap ako sa pagsasalaysay ng di namalayang nakapasok na si Sir Jasper. Mangilan-ngilan lamang ang nakasagot ng tama sa mga katanungan ni sir at natutuwa ako pagkat isa ako dun at kung sakaling babagsak sa prelim ay karagdagang puntos ang magsasalba. Maya-maya pa, uwian na at naging maulan sa labas, malas nga lang at walang dalang payong kaya nagpaulan na lamang habang lumabas. Saktong nagkita kami ni Kuya Harold at di ko akalain na papahiramin niya ako ng payong. Pagkatingin sa aking pitaka, siyete pesos na lamang ang natira sa allowance ko't patay pagkat di ako makakauwi. Nakokonsensiya man ako sa gagawin at sa kagustuhang makauwi, hindi ako nagbayad ng pamasahe sa jeep. Patawarin nawa ako ng maylalang sa aking pagkakasala. Pagdating sa bahay, wala nanaman kaming kuryente kaya madilim muli ang mundo ko. Matapos kumain, kaagad na akong natulog.


July 20, 2014
Sunday

Year II-201

4n-s. Malapit ng mag-ikapito ng magising at kaagad na nagtungo sa kusina upang mag-almusal. Di ko pa rin mawaglit sa isipan ang nagawa kong pagkakasala kahapon at anung bigat ang nasa dibdib. Ganun pala ang mararamdaman mo kapag may kasalanan ka sa Mundong ito, parang mabigat na bato ang pasan-pasan sa iyong likuran at marahil ay babala iyon upang di ka magpatuloy sa masamang gawain. Ang konsensiya, siya ang nagdidikta kung masama ba o mabuti ang gagawin mo subalit maaring masanay ang masamang konsensiya kung patuloy tayo sa paggawa ng masama kaya panatilihing mabuti ang konsensiya upang di tayo maligaw ng landas at malayo sa Panginoon. Lahat tayo, ipinanganak na may konsensiya subalit iba-iba nga lang kung paano ito umiiral, may iba na maitim ang konsensiya kaya nakakaya ng konsensiya nilang magnakaw, pumatay, manakit at iba pang masamang gawain.

4n-t. May iba naman na mabuti ang konsensiya kaya walang lakas loob na gumawa ng masama kahit sa palagay niyang iyon ang mag-aahon sa kahirapan at palaging tuwid. Buti na lamang at mabuti ang konsensiya ko. Matapos mag-almusal, nagtungo ako sa bahay nila Cathy upang ipasuyo ang payong kay Kuya Harold. Todo anyaya sa akin si Ate Ging na magsamba sa church nila subalit panay ang aking tanggi at isa pa ay magre-review ako. Hindi na ako nagtagal pa sa kanila at kaagad na umuwi. Pagkauwi ay sinimulan ko na ang pagrerepaso, Chemistry ang una kong nirepaso. Naging tahasan ako sa pagkakabisado subalit anung utak ang mayroon ako't di pumapasok lahat ng nirerepaso.

4n-u. Maya-maya pa'y nakaramdam na ako ng gutom subalit wala pang lutong ulam, nawalan na tuloy ako ng gana sa pag-aaral. Ilang saglit pa, sa wakas at luto na ang ulam kaya goodbye sa gutom. Matapos kumain ay ipinagpatuloy ko ang pagrerepaso subalit pagsapit ng Ala-una, matinding antok naman ang naging kalaban ko. Di ko mapigilan ang antok kaya pansamantala akong nag-Siyesta. Mga ikatlo na ng hapon ako nagising at sa aking paggising ang panunumbalik ng aming kuryente na siyang aking ikinakagalak. Nagmeryenda muna ako at matapos ay ipinagpatuloy na ang pagrerepaso.

4n-v. Kainis lang pagkat wala talagang pumapasok sa utak ko't sumasakit lamang ang ulo. Idagdag pa ang ingay na nanggaling sa labas kaya di ako makapag-concentrate. Wala akong ibang inatupag kundi ang magrepaso, sa kagustuhang makapasa. Pagsapit ng Alas-sais at dahil oras na upang maghapunan, itinigil ko muna ang pagrerepaso. Bigla na lamang ako tinamaan ng katamaran matapos kumain kaya di na ako nakapagrepaso at ipagpabukas na lamang, review ng review subalit wala namang natatandaan at mapurol talaga ang utak ko. Naging maulan ang gabi na siyang ikinaibig ko pagkat bukod sa tanggal alinsangan, walang mga kabataang mangangahas tumambay at mag-ingay. Maaga pa ang gising ko bukas kaya di na ako nagpakapuyat pa.


July 21, 2014
Monday
Year II-202

4n-w. Nahihirapan pang idilat ang mga mata sa tindi ng namamayanin antok subalit kailangan ng bumangon pagkat Alas-singko na. Habang nakasakay sa dyip ay may nakasabay akong matandang ale na bitbit ang dalawang bata at sadyang napakarusing ng kanyang hitsura. Madalas ay nakayukod ito na tila may mabigat na problema at di na magawang alagaan ang isang anak na isang taon pa lamang ang gulang at halos mahuhulog na sa kanyang kinalalagyan. May pasahero na ngang nagmalasakit na gisingin siya upang mabantayan ang bata. Nahahabag ako sa kanyang kalagayan at gusto ko silang tulungan subalit wala akong kakayahan. Dahil sa kanila kaya nagsusumiksik kami, mabigyan lamang sila ng sapat na espasyo. Bumaba naman ang mag-iina pagdaan sa Manggahan. Pagdaan naman sa NCBA ay biglang may tumapik sa aking balikat at paglingon, si Joshua pala iyon at kaasar lang pagkat kung sino pa ang ayaw kong makasama, siya pa ang nakakasabay ko, pinagtiyagaan ko na lamang ang pakikitungo sa kanya.

4n-x. Pagdating sa eskwelahan, mangilan-ngilan pa lamang kaming na nasa silid. Ilang saglit pa'y pumasok na si Sir Dalope at ipinabatid niya sa amin na magkakaroon kami ng long test, may pagmamadali kami sa pagrerepaso at na-pressure ako ng husto. Hindi naman naging mahirap ang naturang pagsusulit sa Math kaya kaagad akong natapos. Maya-maya pa'y General Psychology na at habang nagtuturo si Ma'am Joyce ay pansamantala itong naantala ng may isang babaeng pumasok sa silid at inanunsyo na may orientation kami mamayang hapon. Laking hinayang namin pagkat ang dapat sanang nalalabing oras upang magrepaso, makakain ng pagkalaki-laki. Ipinagpatuloy ni Ma'am Joyce ang kanyang pagtuturo ng umalis ang babae at pagkatapos ay nagkaroon kami ng seatwork. Matapos ang seatwork ay lumabas na kami at dali-daling nagtungo sa canteen, medyo hindi pa kumakalam ang aking sikmura kaya di muna ako agad kumain at nagrepaso sa Social Science pagkat magkakaroon daw kami ng pagsusulit. Saka lamang kumain ng di ko matiis na makitang sarap na sarap sa paglamon ang mga kasamahan samantalang nakatunganga lamang ako.

4n-y. Bago magtungo sa silid ay sinamahan ko muna si Eric sa registrar office pagkat kukuha siya ng permit. Pagkakuha ng permit ay saktong nakatambay sila Aroma sa may hagdanan at nakisama kami sa kanila, ilang minuto ang makalipas ng pumasok kami sa silid. Habang di pa dumarating si Sir Marvin, todo pagrerepaso ang ginawa namin pero ng dumating si Sir Marvin, naglulundag kami sa saya ng ianunsyong take home ang quiz at dahil ilang session ng di na nakakapagturo si Sir ay medyo naghahabol siya ngayon. Matapos ang Social Science at sa halip na dumeretso sa bahay ay nagtungo muna kaming lahat sa kabilang gusali, kung saan gaganapin ang orientation. Sa pagtungo namin doon ay saktong may namataang Koreano at ang puputi at cute nila, nakipag-usap kami sa kanila gamit ang wikang English.

4n-z. Halos dumugo ang ilong ko sa kaka-English sa kanila habang kinakausap pero ayos lamang, atlis ay may nakausap akong foreigner. Naging mahaba ang pila patungong Auditorium kaya inabot kami ng isang oras na nakapila. Maya-maya pa, biglang inanunsyo nila na wala ng orientation na magaganap. Kakaimbyerna lamang pagkat pinaghintay kami sa wala, saka pa lamang kami nagsiuwian. Medyo mugto na ang aking mata pagdating sa bahay kaya diretso tulog ako. Malapit ng mag-ikalima ng magising ako at dahil bukas na ang Preliminary exam, nagsunog kilay ako ng husto at sa kagustuhang pumasa'y isinakripisyo ko ang panonood ng panggabing drama. Malapit ng mag-ikalabing-isa ng maisipan ko ng matulog. Nawa’y maging maganda ang resulta ng aking pagsusulit.



July 22, 2014
Tuesday

Year II-203

4o-a. Mapalad ang mga estudyanteng naninirahan sa Calabarzon pagkat suspendido ang klase nila ngayon upang paghandaan ang paghagupit ng Habagat. Sumapit na ang ikapito subalit animoy mag-uumaga pa lang sa dilim ng kalangitan, marahil ay iyan na nga ang sinasabi ng PAGASA na malakas na ulan subalit ay pag-ambon lamang ang naganap. Sa dakong hapon pa ang schedule ng aming Prelim kaya may oras pa upang makapagrepaso. Sa kagustuhang makatamo ng magandang marka ay buong umaga akong nagrepaso, iyon nga lang ay di pumapasok sa utak ko ang lahat ng aking pinag-aaralan at sobrang nahihirapan ako. BS Psychology ang kinukuha kong kurso subalit ay tila mistulang Lawyer ang kurso ko sa dami ng mga batas na kinakabisado sa Filipino, hiling ko lang na maging madali ang Preliminary exam namin. Mga dakong Alas-dyis nang itigil ko ang pagrerepaso at nananghalian.

4o-b. Malapit ng magtanghali ng ako ay makaalis ng bahay at sumabay sa pag-alis ko ang malakas na buhos ng ulan. Kakainis lang sa pag-uugali ng panahon pagkat kung kailan papasok ako ay saka pa umulan ng malakas, tuloy ay basang-basa ako ng pumasok sa eskwela. Saktong nagkita kami ni Jaimarri at siya ang nakasabay ko sa pagpasok. Habang di pa nagsisimula ang exam ay naging puspusan kaming lahat sa pag-aaral. Ilang sandali pa'y pumasok na kami sa silid at sa pagpasok namin ang pagsisimula ng exam. English ang una namin naging pagsusulit, May ilang dibisyon ng test lang ako na sadyang litong-lito subalit naging madali lamang sa pangkalahatan, inuna ko ang madadali.

4o-c. Ang proctor naman namin, di gasinong istrikto sa pagbabantay at sa katunayan ay siya pa ang pasimuno ng kaingayan. Hirap na akong mag-concentrate maging ang ilan kong kamag-aral sa pagsagot at tila di kumukuha ng exam. Upang mawakasan ang ingay ay lakas loob ko na silang sinaway, tumigil naman kahit paano. Di pa man sumasapit ang itinakdang oras na pagwawakas para sa unang period ng exam ay natapos na namin ang exam at kaagad lumabas. Sina Stella at Princess lamang ang kasama ko ng break time, di ko ibig sanang kumain kami sa Chowking sa kadahilanang gipit ang bulsa pero dahil ililibre naman nila ako, pumayag na ako bilang pagtanaw ng utang na loob. Labis kong ikinabusog ang mga kinain doon.

4o-d. Maya-maya’y bumalik na kami sa silid at nadatnan naming naroroon na ang panibagong proctor, medyo mataray at istrikto kaya paniguradong walang mangahas na mag-iingay. Filipino ang sunod naming pagsusulit, karamihan sa mga batas na nirebyu ko'y di ko maalala ang sagot kaya labis ang aking pangangamote. Buti na lamang at may ilang katanungan rin na walang kinalaman sa batas at iyon ang nagpadali sa buhay. Matapos ang mga pagsusulit ay diretso labas na ko ng silid at nawa'y maipasa ko ang Exam. Pagdating ng bahay, Alas singko na't medyo inaantok na ng lagay kaya agad na akong natulog. Saglit lamang ang pagtulog ko't malapit-lapit na ang hapunan ng magkamalay. Matapos kumain ay mas maaga pa sa Alas-kwatro ang pagbuklat ng libro. General Psychology ang talagang tinutukan ko sa pagrerepaso at ang hirap mag-aral, medyo tinatamad na rin ako kaya napunta na sa panonood ng telebisyon. Pareho pa rin ng oras kagabi kung kailan ako matutulog .


July 23, 2014
Wednesday

Year II-204

4o-e. Naging maulan ang umaga na nagpasarap pa lalo sa tulog ko't mga ikawalo na nagising. Ang kalbaryo sa utak na dulot ng exam ay di pa nagwawakas at bawal muna sa ngayon ang magbuhay alamang at baka grado'y magkulang-kulang. Matapos humigop ng mainit na kape ay nagrepaso agad ako. Medyo nakakatamad lamang magrepaso pagkat umuulan subalit nilabanan ko iyon alang-alang sa mabibingwit na magandang marka. Mga bandang ikasampo na ng magbihis-bihis ako't makaalis ng bahay. Habang nakasakay ng jeep ay nagkataong nakasabay ko si Marialyn at kwentuhan kami. Napasarap ang kwentuhan kaya di namalayang nasa OLFU na kami. Pagpasok sa eskwela'y mangilan-ngilan pa lamang kami't nagtyagang umupo sa sahig habang hinihintay magsimula ang exam. Maya-maya pa'y pinapasok na kami ng proctor at assignaturang Mathematics ang pagsusulit namin ngayon. Sa sobrang dali ng pagsusulit ay kaagad ko itong natapos. Isang subject lamang ang exam namin ngayong araw kaya kaagad na akong lumabas. Medyo maaga pa at sa kadahilanang di ko pa ibig umuwi, naisipan kong magtungo sa Grotto Church upang dumulog sa Panginoon na payagang makapasa sa lahat ng pagsusulit.

4o-f. Napakalayo pala ng Grotto pagkat halos isang oras ang biyahe at pagkarating ay nanlaki ng husto ang mata ko sa lawak at laki ng simbahan at malakastilyo ang istraktura nito. Bukod sa ganda ng simbahan na animoy nasa simbahan ka ng ibang bansa, napakatahimik doon at manakanaka lamang ang pagdating ng gustong magdasal. Maging sa loob nito'y kaaya-aya sa paningin subalit di ko magawa pang pasukin pagkat ako ay nahihiya, di na tuloy ako nakapagdasal. Medyo sumusungit na ang lagay ng panahon kung kaya di ko nagawa pang libutin ang buong simbahan. Bago pa man ako makalabas ng simbahan ay may mga gusgusing bata ang lumapit sa akin at nanghingi ng limos, medyo nahahabag ako sa kalagayan nila at kita sa mukha nila ang kagutuman kaya kaagad ko silang binigyan kahit kapirasong barya lamang.

4o-g. Naging napakalakas ng buhos ng ulan na sinabayan pa ng hangin sa Bulacan kaya nagpatila muna ako. Nang bahagyang tumila ay saka pa lamang ako kumilos patungong terminal. Sakto ikatlo na ng hapon ng makarating ako sa bahay. Sa takot na pagalitan ni ina, di ko man dapat itong gawin ay inilihim ko pa rin na nagtungo sa Grotto Church, sasabihan ko naman sa panahong handa na ako. Kinagabihan, matapos manood ng telebisyon ay saka pa ko muling nag-aral at medyo pasanin pa rin ang magkabisado. Inaantok na rin ako kaya di na nagtagal pa sa pagrerepaso at agad ng natulog.


July 24, 2014
Thursday

Year II-205

4o-h. Malapit ng sumapit ang ikapito ng umaga ng ako'y magising at hindi kagandahan ang naging timpla ko ngayon pagkat ako’y sinisipon. Kaagad na akong nag-agahan upang di gutumin mamaya habang kumukuha ng pagsusulit. Mga bandang Alas-otso na ng umalis ako sa bahay at sa aking pag-alis ang pagbuhos muli ng malakas na ulan. Damang-dama na nga ang panahon ng tag-ulan at mukhang lalala pa ang masama kong pakiramdam pagkat nauulanan na. Pagsakay sa dyip ay takot naman ang naghari sa dibdib ng biglang kumislap sa kalawakan ang kidlat at kumulog ng pagkalakas-lakas.

4o-i. Nagdulot ng mabigat na trapiko ang malakas na buhos ng ulan subalit di naman ako nahuli sa pagdating at may nalalabi pang minuto bago magsimula ang aming pagsusulit. Ilang sandali pa'y pumasok na kami sa silid at anung lamig ang aking naramdaman sa pagpasok sa silid. General Psychology ang exam namin ngayong araw. Ang inakalang madali lamang ay nagkakamali at di ko inasahan na ganun ang lalabas sa naturang pagsusulit kaya labis akong nahirapan. Sa hirap ng pagsususlit, karamihan sa mga kamag-aral ko ay dumadaing na't nagkokopyahan na ng palihim. Hindi naging biro ang pagsusulit sa General Psychology kaya naghula-hula na lamang ako. Matapos ang exam ay lumabas na kami ng silid. Laking gulat ko pagkabukas ng pitaka pagkat nawawala ang isang daan ko't marahil ay nahulog lamang ito o may nangahas na kupitin ang aking kwarta.

4o-j. Nakakapagtaka lamang sapagkat naririyan pa sa pitaka ang isang daan ng ilagay ko sa aking bag. Nangangamba tuloy ako na baka hindi makauwi't ayaw ko ng mag-123 pagkat batid kong pandaraya iyon at makasalanan. Buti na lamang at may natira pa kong mga barya subalit di iyon sapat sa pamasahe ko. Gayunpaman, nagbayad pa rin ako kahit na kulang, makauwi lang ako, atlis di nag-123.  Hindi ko na ibig pang maglihim kay ina at kahit na batid kong magagalit siya ay inamin ko pa rin sa kanya na nawalan ng pera. Pinaghahandaan ko na kung ano ang magiging reaksyon ni ina subalit hindi naman pala at pinayuhan niya lamang ako.

4o-k. Marami ng insidente ng pandurukot sa panahon ngayon kaya kailangan ng ibayong ingat. Medyo hindi kagandahan ang pakiramdam ko kaya matapos mananghalian ay kaagad na akong nag-Siyesta. Naging masarap ang tulog ko kaya malapit ng sumapit ang kwatro ng ako'y magising, bahagyang bumuti naman ang pakiramdam ko. Kaagad ko ng ginawa ang take home quiz sa Social Science at iyon ang pinagkaabalahan hanggang sa sumapit ang dilim. Parang narerebyu na rin ako habang binabasa at sinasagutan ang bawat aytem. Ang hirap hanapin ang mga sagot sa libro kaya di ko pa natatapos at pansamantalang itinigil pagkat maghahapunan na ako. Matapos kumain ay ipinagpatuloy ko ang pagsagot ngtake home quiz sa Social Science. Naging abala ako ng husto sa pagrerepaso at mga bandang Alas-onse na natulog.


July 25, 2014
Friday
Year II-206

4o-l. Kumikislap na ang nakakasilaw na liwanag mula sa bintana ng dumilat ang dalawang mata. Matapos ang ilang araw na mga pag-ulan ay ngayon pa lamang sumilip ang haring araw at tila di na uulan pa. Gumanda na nga ang panahon subalit ang pakiramdam ko'y nananatiling masama at patuloy inaatake ng sipon. Sa kabila na masama ang pakiramdam at medyo tinatamad ay nagawa ko pa rin pumasok pagkat may pagsusulit pa kami. Pagdating sa eskwelahan, kita kong nasa labas ng silid ang mga kamag-aral ko't abalang-abala sa pagrerepaso. May nalalabi pang oras bago magsimula ang exam kaya inilaan ko iyon sa pagrerepaso. Ilang saglit pa'y pumasok na kami ng silid. Laking gulat na lamang pagkat si Ma'am Mactal ang proctor namin ngayon at walang ligtas sa kahigpitan niya ang mga mahuhuli. Social Science ang una naming naging pagsusulit at sa pangkalahatan ay naging madali lamang iyon, puro mga kabisera ng bawat lalawigan ang lumabas na di hamak na kinahihiligan kong pag-aralan simula pa ng elementarya pa kaya sobra talaga akong nadalian.

4o-m. Sa dali ay kaagad ko rin natapos ang pagsusulit at di akalaing ako ang mangunguna sa pagpasa. Tiwala akong makakakuha ng mataas sa Social Science. Matapos ang naturang pagsusulit ay lumabas na kami pansamantala't kumain, masama talaga ang pakiramdam ko nun kaya wala akong ganang kumain, heto namang si Jaimarri ang lakas ng loob na magpalibre sa akin, di ko ibig maging maramot sa kanya pagkat magkaibigan kami kaya labag man sa kalooban ay inilibre ko pa rin siya, sana siya naman ang sunod na manlibre. Matapos namin tsumibog ay agaran na kaming bumalik sa silid. May balak sanang magrepaso sa Chemistry subalit sa ligalig ng kamag-aral ko'y naisipang isantabi na lamang at mahihirapan lamang ipasok sa utak ang nirerepaso kapag maingay. Habang di pa dumarating ang proctor, nag-Selfie na lamang kami nina Jaimarri at kanya-kanyang pakita ng signature post.

4o-n. Ilang sandali pa'y pumasok na ang magiging proctor namin sa Chemistry, may edad na ito at mukhang mataray pa kaya labis ang pagkasindak namin sa kanya at English speaking pa na may pagka-British accent kaya nganga ako sa kakaintindi, sa pagpasok ng proctor ang pagsisimula ng pagsusulit. Inakala kong saksakan sa hirap pero sisiw lamang ang exam at laking tuwa ko na di man lang sumakit ang ulo sa kakaanalisa. Ang inakalang proctor na masungit, nagkakamali at mabait pala. Sa katunayan ay kinausap pa niya ako at nagawang makipagbiruan sa amin kaya labis ang paghalakhak. Mistulang comedy bar ang silid dahil sa pagpapatawa niya't tuloy, nawala ang konsentrasyon ko sa pagsagot. Hayahay na ang moda matapos ang pagsusulit at masaya ako pagkat nalampasan na namin iyon.

4o-o. Balak pa sanang sumama kina Jaimarri patungong Montalban subalit sa sama talaga ng pakiramdam na tila lalagnatin, mas pinili kong umuwi na lamang. Sina Stella naman, panay ang udyok sa akin na sumakay sa bus kahit ayaw ko. Marami sila at Di na ibig pa ang mapag-isa sa pag-uwi kaya pumayag na ko at tamang kwentuhan lamang habang nasa biyahe. Pagdating sa bahay ay diretso lamon ako ng nakahaing ulam at matapos ay agaran ng namahinga. Wala pa ring pagbabago sa pakiramdam ko kahit nakapagpahinga na.

4o-p. Kinagabihan at dahil natapos na ang Preliminary exam ay malaya ko ng gawin ang gusto at pwede ng magbuhay alamang. Wala akong ibang inatupag kundi ang manood ng telebisyon at labis kong sinusubaybayan ang eksena sa Ikaw Lamang pagkat sumasalamin ang palabas sa mga tiwaling politiko at dapat sa mga ganung politiko ay patalsikin. Sobrang nanggigil ako sa Ikaw Lamang at makikitang matindi na ang hirap na dinaranas nila Samuel maging ang mga Obrero dahil sa pagmamalupit ng may kapangyarihan. Matapos manood ng telebisyon at dahil wala naman kaming pasok kinabukasan, nilibang ko muna ang sarili sa paglalaro ng Tablet. Malapit ng sumapit ang hating-gabi ng ako’y matulog.


July 26, 2014
Saturday

Year II-207

4o-q. Araw ngayon ng aming pahinga kaya nagpatuloy pa rin ako sa paghilata kahit kalat na ang sinag ng araw sa kalawakan. Sa aking pagdilat ay hindi naging kagandahan ang umaga ko pagkat patuloy pa rin ang pagtulo ng lintik kong sipon. Ngayong araw rin kami tutungo sa UST pagkat may follow up check up ako kay Doctora Dacayan kaya di na ko nilasap pa ng matagal ang paghilata at agaran ng bumangon. Tama lamang na magtungo kami roon upang matuldukan na ang ilang araw na dinaranas na sipon na siyang nagpapahirap sa paghinga ko. Bago pa man sumapit ang Alas-nuebe ng makaalis kami ni Mama sa bahay. May kalamigan ang pakiramdam habang lulan ng bus kaya lalo pang sumama ang timpla ko. Si Mama naman, walang humpay sa panenermon sa akin at sa bawat salitang kanyang binibitawan ang nagpasidhi sa damdamin ko upang ma-guilty. Nagigilti ako pagkat sa tuwing may sakit akong pinangangapita'y kailangan nilang gumastos ng malaki, maipagamot lamang ako.

4o-r. Mga bandang ikasampo na ng makarating kami sa UST hospital subalit wala pa ang Doctora Dacayan at pansamantala namin siyang hinintay. Habang naghihintay, naglaro muna ako ng Tablet pampalibang. Ilang sandali pa'y dumating na ang Doktora at swerteng kami ang kauna-unahang kliyente ng Doktora para sa araw na ito kaya kaagad na kaming pinapasok. Eksaktong nakita niyang sinisipon ako kaya may bagong gamot siyang inireseta sa akin, nakakalungkot isipin na gastos na nga sa check-up tapos gastos pa sa pambili at di na matapos-tapos ang gastos hangga't taglay ng katawan ko ang sakit na ito. Hindi ko na makaya pang ilihim kay ina ang tungkol sa pagtungo ko sa Grotto at nabasa ng ulan na siyang dahilan ng pagkakaroon ng sipon kaya batid ko man na mag-uumapaw sa galit si ina, di na mahalaga kung ano ang magiging reaksyon niya kundi ang maging tapat ka bilang supling.

4o-s. Heto na nga't nagkatotoo ang pagtaya ko sa kanya at binalaan niya ako na ipararating kay ama ang tungkol dun. Sinabihan ko na rin si ina na di ko na kailangan ang mga gamot kung sa palagay naman niyang di na kaya ng bulsa pero siya ang mapilit at panay ang sumbat sa akin. Umabot ng mahigit sa isang libo ang nagastos ni ina sa pagbili ng gamot samantalang kung titingnan ang tableta, halos di mo mahawakan sa sobrang liit, small but its dosage is powerful kasi. Hindi pa man nakakalunok ni isang tableta ng gamot ay laking pagtataka ko sa biglaang pagbuti ng pakiramdam ko pero gayunpaman, uminom pa rin ako ng gamot matapos mananghalian. Maya-maya pa't sa antok, ako'y nag-Siyesta. Pagkagising ay anung dilim sa kalawakan ang maaninag at animoy bubuhos muli ang malakas na ulan.

4o-t. Ilang sandali pa'y umulan na subalit tikatik lamang ito. Wala nanamang kuryente sa bahay kaya halos maligo ako sa sariling pawis dahil sa init, ang malabutil na buhos ng ulan ay hindi sapat upang mapawi ang init. Nang bahagyang huminto ang pag-ulan ay naisipan kong magtungo sa Computer shop. Inabot na ako ng gabi sa pag-uwi at sa pag-uwi ay di pa rin naibabalik ang aming kuryente, nangangapa tuloy kami sa dilim at halos di na magkakitaan. Balak ko sanang makinuod ng telebisyon sa aking kamag-anak subalit hiya ang pumigil sa akin. Buti na lamang at naging maulan ang buong magdamag na siyang nagpasarap sa aming pagtulog, kaso di maiwasan ang paminsan minsang pangangamot dahil sa mga pesteng lamok na walang habas kung mamapak ng dugo, nagtityaga na lamang kami sa sitwasyon. Papasaan pa't makakaraos din.



July 27, 2014
Sunday
Year II-208

4o-u. Ngayon ipinagdiriwang ng mga kapatid nating Iglesia ni Kristo ang kanilang ika-100 anibersaryo ng pagkakatatag ng kanilang relihiyon at gaganapin ito sa bagong tayo na Philippine arena, nakakagalak isipin na dito sa Pilipinas matatagpuan ang pinakamalaking arena sa buong mundo at iyon ay ang Philippine Arena na siya pa lalong mag-aangat sa katanyagan ng ating bansa lalo na kapag may events. Marahil ay masarap rin mapabilang sa Iglesia ni Kristo pagkat may benipisyo ka parating matatanggap pero iba pa rin ang saya kapag ikaw ay nasa Katoliko dahil andiyan ang pagdiriwang ng Pasko at marami pang okasyon. Maliwa-liwanag na sa labas ng ako'y dumilat ng todo subalit nanatili pa rin ang antok sa buo kong pagkatao kaya pinalawig pa ang oras sa pagtulog.

4o-v. Malapit ng mag-ikawalo ng sipagin ako sa pagbangon at di pa rin naibabalik ang aming kuryente. Malapit ng magtanghaling tapat ng maibalik ang kuryente at kaagad kaming nanuod ng telebisyon upang alamin ang pinakahuling balita hinggil sa sentenaryo ng mga Iglesia ni Kristo. Di na mahulugang karayum ang buong arena sa dami ng mga nagsipagdalo, ang iba ay sa labas na lamang nakinig ng salita ng Diyos at nakapagdulot rin ng matinding traffic ang kahabaan ng NLEX sa dami ng nakaparadang bus, masasabing isa sa pinakamalaking pagdiriwang sa kasaysayan ng Pilipinas ang sentenaryo ng Iglesia ni Cristo sa lawak ng pinagdarausan at dami ng nagsipagdalong kaanib na umabot sa milyon. Kahit ganong kagarbo ang pagdiriwang ng Iglesia ni Kristo ay di pa rin dapat kainggitan, ang dapat kainggitan ang matinding pananalig sa Diyos.

4o-w. Hindi ko pa man ibig matulog pagkat may balakin ako subalit di paawat ang antok na nadarama kaya bigo ako sa naisin ko at nakatulog pa rin. Pagkagising, saka ko pa lamang itinuloy ang balakin at iyon ay ang magtungo sa bahay nina Regine. Pagkatungo sa kanila ay naroroon muli ang kanilang kaanak maging sina Gelyn at Annie. Matagal tagal ko na rin silang hindi nakikita at nakakausap kaya sinulit na ko ang pagkakaton na makipagkwentuhan sa kanila pagkat ilang oras na lang at uuwi na sila. Nang umalis na sina Gelyn, sa bahay naman nina Cathy ako sunod na nagpunta at nakipagkwentuhan sa kanila.

4o-x. Maya-maya, ang masarap naming pagkukuwentuha’y nauwi sa panlalabo at tila di kami magkakasundo pagkat ng maglahad ako ng sariling opinyon tungkol sa palabas na aming pinapanood ay di ko akalain na di iyon irerespeto ni Ate Ging at kung makapagsalita siya’t makapagtanong, parang pinapalabas na kinakalaban ko ang Diyos at di ko maintindihan sa kanya kung bakit bigla na lamang nag-iba ang reaksyon niya. Pinangaralan niya ako ng bonggang-bongga at may iba sa sinabi niya ang di ako sang-ayon pagkat opinyon ko iyon at dapat ay intindihin niya na lamang. Nasa pamamahay nila ako at wala akong lakas loob na ipagtanggol ang opinyon ko. Tama nga ang sinabi sa akin ng kapitbahay nila, paniniwalaan lamang ni Ate Ging kung ano ang pananaw niya sa buhay at di siya magpapatalo kahit mali na ito. Nagkunwaring nakikinig ako sa pangaral niya at ng huminto siya, nagpaalam na ako at umalis. Laking pagsisi pagdating ng bahay at dapat ay ginawa ko iyon.


July 28, 2014
Monday

Year II-209

4o-y. State of the nation address ng pinakamamahal nating pangulo subalit sa kabila nito ay di deklaradong Holiday para sa aming mga kolehiyo ang araw na ito kaya may pasok pa rin kami. Inagahan ko na sa pagising pagkat batid kong maiipit mamaya sa matinding trapiko. Dahil walang pasok ang mga estudyante, naging madalang ang pagdating ng pasahero at laking pangamba ko na mababalewala ang paggising ko ng maaga kung mahuhuli naman. Hindi nga ako nagkakamali sa aking taya pagkat ng dumating sa Commonwealth ay tanging isang lane lamang ang bukas kaya napakasikip at di na nga makausad ang mga sasakyan. Bukod sa nagsusumiksik sa iisang lane ay di ko na nga alam kung saan ako mag-aabang at sa dami ng mga nakaabang na magsisipagpasok sa kanya-kanyang trabaho'y halos magkumpol-kumpol na kami. Inisip ko na itutuloy ko pa ba ang pagpasok o lumiban na lamang pagkat wala na kong masakyan.

4o-z. Alas-siete pasado na ng makasakay ako't kitang kita ng di talaga gumagalaw ang mga sasakyan sa bukas na lane samantalang napakaluwag naman sa kabilang lane. Marami na ring mga nakabarikadang pulis sa paligid ng Commonwealth. Dahil sa bigat ng trapiko, malapit ng mag-ikawalo ng makarating ako sa eskwela subalit wala pa si Sir Dalope maging ang karamihan sa mga kamag-aral ko, marahil ay na-traffic din. Sumapit na ang Alas-otso ng pumasok sa silid si Sir Dalope at kita sa mukha niya ang pagka-stress. Pagsa-summarize ng natamong marka sa bawat seatwork ang inasikaso namin. Sa oras naman ng General Psychology, hawak na ni Ma'am Joyce ang answer card, nangangahulugang ngayon na malalaman ang resulta ng Prelim exam. Ang kaba sa dibdib ko, lalong sumisidhi ng isa-isa niyang ibigay ang answer card subalit ng ako na ang matawag ay tila nabunutan ng malaking tinik pagkat pasado ako at napasigaw pa nga ako ng todo sa sobrang saya.

4p-a. Ang ingay tuloy namin dahil nagsipagbunyi ang mga nakapasa. Nang maibigay na ang lahat ng answer card ay saka pa lamang sinimulan ni Ma'am Joyce ang pagtuturo. Maya-maya pa'y lunch break na't kina Anne Rose ako sumabay, tamang labas lang kung ano ang nasa dibdib matapos tsumibog at doon ko pa sila lalong nakikila. Si Joshua naman, panay ang pambabara sa bawat kwentong ilahad at nababanas na talaga ako sa kanya, di ko na lang pinansin at pinatulan pa. Mga pasado Alas-dose ng bumalik kami sa silid. Inanunsyo lamang ni Sir Marvin kung sino ang mga nakapasa at habang di natatawag ang pangalan ko'y nanunumbalik muli ang kaba sa dibdib pero napalitan ng saya ang kaninang si akong kabado ng banggitin ang pangalan ko't huling huli pa.

4p-b. Laking pasalamat ko sa maykapal pagkat di niya ko hinayaang lumagapak at nakahinga ako ng may kaluwagan sa dibdib. Sa halip na dumeretso sa pag-uwi ay nagtungo kami sa Covered court pagkat may practice pa kami subalit puro daldalan lang naman kaya nagpasyang umalis na lamang, isa pa'y baka abutin kami ng siyam siyam sa pag-uwi. Habang nasa biyahe, mabilis naman ang takbo ng sasakyan, bumagal lamang hanggang sa di na ito gumalaw pagdating namin ng Litex. Lumipas na ang isang oras subalit almost stationary pa rin ang bus at nakakaubos na ng pasensiya kaya malayo man ang lalakarin ay nagpasyang maglakad na kami. Si Princess at Jaimarri ang nakasabay ko sa paglalakad at mula Litex hanggang Sandigan ay matiyaga naming nilakad iyon.

4p-c. Sa sobrang layo ng nilakad, halos ikalupaypay ko na ang pagkahapo't ganito pala ang mararanasang sitwasyon ng mga may pasok tuwing SONA ng pangulo. Malapit ng mag-ikaapat ng makarating ako sa bahay at di pa naman nagsisimula ang talumpati ng pangulo. Ilang minuto makalipas ng magsimulang magtalumpati si Noynoy. Sobrang inantok ako kaya di ko na napanood pa ang ilang bahagi ng SONATV Patrol na pala ng ako'y gumising at kitang-kita ang pagkangitngit ng mga ralihista sa Pangulo habang sinasagawa ang kilos-protesta at kanya kanyang gawa ng effigy ni Nonoy sabay susunugin. Bilang isang mag-aaral ay may naisakatuparan rin naman ang pangulo sa lahat ng kanyang pangako kaso tayo naman itong di nakakakita at di kasalanan ng pangulo kung mahirap tayo. Kung masikap ka lamang sa buhay ay may tiyansang umasenso ang buhay at ikaw dapat mismo ang humahakbang, di parating iaasa sa pangulo pagkat ang tanginh responsibilidad ng pangulo ay paunlarin ang ating bansa at paangatin maging pamumuhay natin. Hangarin ng ating pangulo na iangat tayo sa kahirapan at sana'y makipagtulungan na lamang tayo sa kanya, di iyon puro sisi na wala namang magandang patutunguhan!


July 29, 2014
Tuesday

Year II-210

4p-d. Natapos man ang SONA ng pangulo at sentenaryo ng mga Iglesia ni Kristo ay tuloy pa rin ang maliligayang araw ng mga tsikiting pagkat holiday pa rin at upang makibahagi sa pagdiriwang ng kapatid naman nating Muslim sa kanilang taunang Edil fitir. Bago pa man matapos ang buwang ito'y tatlong sunod-sunod na events agad ang naganap sa bansa natin. Dahil walang pasok ngayon ay inaliw ko na ang aking pagtulog at mga ikawalo na bumangon. Medyo nakakabagot kapag walang ginagawa kaya naisipan kong magwalis at magpunas, bukod pa riyan ay may time din ako upang gawin ang ibig gawin.Matapos ang gawaing bahay, pagkukulwit naman ng Tablet ang aking pinagkaabalahan na siyang naging pampalipas oras ko hanggang sa sumapit ang tanghali.

4p-e. May balak rin sanang magkuskos ng mga labadang nakatambak sa hamper subalit makulimlim at nagtatago ang haring araw. Kanina pa kumakalam ang sikmura ko sa kadahilanang walang maalmusal kaya halos maubos ko ang isang kalderong kanin sa katakawan, ganito ang gawain ko kapag walang pasok. Kinahapunan naman ay nagtungo ako sa computer shop. Hindi ako makapag-concentrate sa aking gawain pagkat ang iingay ng mga naglalaro ng DOTA at sakit pa sa ulo ang tunog nila. Sa ingay, di na ako nagtagal pa. Hindi pa ko umuwi at tumungo pa sa bahay nila Tita Jean. Pagkarating, nadatnan kong abala si Itang sa paggawa ng project ni Amihan. Ibig ko sanang tulungan siya sa kanyang ginagawa subalit sa halip na tumulong ay pinanood ko na lamang si Itang at mahirap na baka ako pa ang masisi kung bakit mababa ang grado ng project ni Amihan. Habang abala si Itang sa pagkukulay ang pagdating naman ni Auntie Cleng at nakipagkwentuhan sa amin.

4p-f. Dami naming halakhak sa mga kwento ni Auntie Cleng at todo suggestion siya kay Itang. Ng nahihirapan na si Itang ay saka pa lamang niya hiningi ang tulong ko at natapos rin sa wakas. Nang ako'y papauwi na, sinabi sa akin ni Itang na gusto niyang bumisita sa bahay at natutuwa naman ako pagkat may kasama ako sa pag-uwi. Pagdating naming dalawa, sa gutom ay nagmeryenda kami at ipinakilala ko siya kay Mama. Dahil baguhan lamang sa paningin ni ina si Itang ay hinayaan ko silang mag-usap dalawa at sa katunayan, wala akong maunawaan sa pinag-uusapan nila pagkat Ilocano ang wika't palaisipan sa akin kung bakit pamaya-maya ang tawanan nila. Matapos nilang mag-usap ay ipinasyal ko si Itang sa aming baryo at maya-maya, kasama si Mama'y nagtungo naman kami sa bahay ni Auntie Caling. Sa muling pagkakataon ay wala akong maunawaan sa sinasabi nila habang nag-uusap at tawa pa sila ng tawa samantalang nakabusangot ang mukha ko't wala man lang makausap. Sa puntong iyon ay ibig kong matutuhan ang dayalektong Ilocano ng sa ganun ay maunawaan ko ang mga kamag-anak ko. Sinamahan ko pa si Itang hanggang Ison site bago umuwi.

4p-g. Pagkauwi at gawa na di na papigil ang pagkalam ng sikmura ay agaran na akong kumain. Diretso nuod ng telebisyon pagkakain at kaabang-abang muli ang kaganapan sa Ikaw Lamang, grabe ang anomalyang ginawa nila Franco at Maximo ng kanilang halalan, gagawin ang lahat, maluklok lamang si Franco sa pwesto kahit may buhay pang nasawi't labis ang panggigigil ko sa palabas. Ang husay talaga ng produksyon ng direktor sa dramang iyon, kahit di totoo'y napapangitngit sa galit ang mga manonood at pinupukaw nito ang mga damdamin. Yung tipong gusto kong wasakin ang pagmumukha't bungo ng maglolong sagad sa buto ang kasamaan subalit di maaari pagkat pagsasadula lamang iyon. Diretso hilata na ako sa kama matapos panoorin ang umaatikabong eksena sa Ikaw Lamang


July 30, 2014
Wednesday
Year II-211

4p-h. Nagwakas na ang maliligayang araw ng mga tsikiting sa ilang araw na walang pasok dahil sa sunod-sunod na okasyon. Nanatili pa ang antok sa mga mata at gusto ko pang matulog subalit kailangan ko ng bumangon. Mangilan-ngilang kamag-aral ko pa lamang ang naroroon sa silid pagdating sa eskwela. Medyo mainit sa silid kaya naisipan kong magpahangin kahit saglit lamang. Maya-maya’y bumalik na ko sa silid at saktong nasa pisara na si Sir Dalope at ibinigay na sa amin ang resulta ng Prelim exam. Tumaba ng husto ang puso ko ng makita ang aking answer sheet pagkat napakatayog ng natamo kong marka. Sa tuwa, nais kong sumigaw muli subalit baka isipin nilang tinakasan ako ng bait kaya itinago ko na lamang ang saya. Sumunod ay General Psychology na't di kaagad nakapagturo si Ma'am Joyce dahil sa may dalawang partido ang nangampanya. Di man kaaya-aya ang pangalan pero makabuluhan naman ang kanilang plataporma't nawa di kami magkamali sa pagboto sa kanila.

4p-i. Matapos ang kampanya, saka pa lamang nakapagturo si Ma'am Joyce. Interesting and excitement ang lesson niya about sensation and perception kaya nakapukos ang atensyon ko sa kanya. Ilang sandali pa, lumabas na kami ng silid. Dahil naghihigpit muli ng sinturon, hindi dapat sana ako kakain subalit di napigil ng gutom ang aking balakin. Napakaingay sa kantina na halos ikawasak ng aming pandinig kaya nagpasya na kaming magtungo sa library. Magkakaroon pala kami ng Preliminary test sa PE kaya pagrerepaso ang inatupag namin. Di naman ako makapagrepaso ng maayos pagkat maingay pa rin kahit mahina lamang ang pag-uusap kung sabay-sabay naman. Bago pa man sumapit ang Alas-dose, lumisan na kami sa Library.

4p-j. Pagdating sa silid ay wala pa si Sir Marvin at ang ingay ay tila sumusunod sa amin pagkat kahit saan maingay, tila nga bang wala ng katahimikan ang mundo. Naghari naman ang katahimikan sa pagpasok ni Sir Marvin at ibinigay na niya ang resulta ng pagsusulit. Kaagad muling nanlubag ang kalooban ko sapagkat mataas ang natamo kong marka at nagpapasalamat ako pagkat puro matataas ang natatamo. Diretso covered court kami pagkatapos ng Social Science. Tatlong oras ang bakante namin at sinamantala ko ang pagkakataon upang magrepaso. Ang iba ko namang kamag-aral, pag-eensayo ng Aerobics dance ang pinagkaabalahan at nakikita kong medyo nakakaupos ng lakas ang sayaw kaya di na ko sumali at kausapin na lang mamaya si Sir Anton.

4p-k. Hindi naman natuloy ang Aerobics dance na siyang ikinakagalak namin dahil sa Prelim exam. Inakalang mahirap ang pagsusulit pero sa dali, agaran ko itong natapos. Kaarawan ngayon ni Valerie na anak ng kaibigan kong si Shiela at nangakong makakapunt kaya kailangan kong pakiusapan si Sir na maaga akong pauwiin subalit di natuloy iyon pagkat pinauwi na nga kami ng maaga. Pagdating sa bahay nila Shiela, ang tahimik at iniisip ko na baka nagkakamali lamang sa akala kaya itinuloy ko ang pagpasok. Walang mga bisita at sinabi ni Shiela na di sila naghanda, umuwi na lamang ako at sayang lamang ang pagtungo roon. Medyo nakakaranas na ng pagkalam ng sikmura kaya sa pag-uwi'y walang pasintabi sa paglamon. Matapos kumain ay panonood agad ng telebisyon ang inatupag ko't mga ikasampo na ng maisipang ihimlay ang sarili sa kama.



July 31, 2014
Thursday

Year II-212

4p-l. Huling araw para sa buwang ito't sadyang napakatulin ng takbo ng panahon, parang kailan lang ng Enero pa lamang tapos kinabukasan ay Agosto na. Umiiral muli ang Hanging Habagat kaya panay ang mga pag-ulan, nagmistulang basang kurtina ang aking kasuotan dahil sa malakas na buhos ng ulan. Habang naghihintay sa pagdating ng professor, nakinig muna ako ng musika't parang ako lamang ang tao kung makabirit, sa kakabirit ay di ko pansin na nasa harapan na si Sir Arnold at malamang ay tawang-tawa siya ng maulinig ang aking tinig. Sa pagpasok ni Sir ay isa-isa niya kaming tinawag upang ibigay ang resulta ng pagsusulit. Doble ang aking galak sa naging resulta pagkat bukod sa mataas, may karagdagan pang sampung puntos.

4p-m. Matapos ang bigayan ng answer card ay nag-anunsyo si Allyson para sa gaganaping ensayo ng sabayang pagbigkas. Gustuhin ko mang sumali sa sabayang pagbigkas subalit mas matimbang sa akin ang sumali sa paggawa ng tula kaya isinakripisyo ko iyon, isa pa, ako'y kasapi ng PLUMA at baka maging alanganin ang oras kapag pinagsabay ko ang tatlo. Bago tuluyang magpaalam si Sir Arnold ay ipinabatid ko sa kanya na di na ko makakasali sa sabayang pagbigkas pagkat mas matimbang sa akin ang gumawa ng tula, agad naman siyang pumayag sa aking kahilingin. Ilang sandali pa, lumipat na kami sa kabilang silid at nagkaroon ng activity sa English. Habang isinasagawa ang activity, isa-isang ibinigay ni Ma'am ang aming answer card at galak muli ang namayani sa dibdib, hinuhudyat na kailangan kong panatilihin o iangat pa ang magandang nasimulan.

4p-n. Nang maibigay ang lahat ng answer card, inanunsyo ni Ma'am Mactal na magkakaroon ng theater play sa darating na Setyembre, hiyawan kami sa tuwa ng ianunsyo niya iyon. Ilang sandali makalipas, lumabas na kami't sabay tungo sa canteen. Paggawa ng activity sa English ang pinagkaabalahanmatapos kumain. Pagsapit ng Ala-una, nagtungo na kami sa laboratory. Wala si Sir Jasper kaya ang kwentuhan, patuloy na siyang lumilikha ng ingay. Kasama sila Anne Rose ay pinili naming tumambay sa labas at tumingin ng magandang tanawin na makikita sa likuran ng eskwela at sa tayog, maging ang Lamesa Dam ay naaninag na namin.

4p-o. Makalipas ang mahigit sa dalawang oras, saka pa lamang pumasok sa laboratoryo si Sir Jasper at isa-isang ipinamudmod ang answer card. Kampante akong mataas ang matatamong marka sa asignaturang ito pagkat madali pero nagkamali ako't malapit ng maging pasang awa. Gayunpaman, nanatili pa rin ang tuwa sa dibdib pagkat naipasa ko ang lahat ng subject sa naganap na Prelim exam at bawi na lamang sa Chemistry. Tuloy ang kwentuhan matapos ibigay ang answer card at pakaalis ni si Sir Jasper. Ilang saglit makapalipas, nagtungo na kami sa silid. Grabe at saksakan ng ingay sa silid at kala mo, dinaig pa ang elementarya sa harutan. Labis akong naririndi sa kaingayan kaya lumabas muna ako. Pagkabalik ay nasa pisara na si Sir Jasper at nagtuturo ng panibagong lesson.

4p-p. Maya-maya pa, uwian na at bago pa man kami umalis ay may inanunsyo ang Presidente tungkol sa gaganaping Freshmen night sa Sabado. Sinabi niya na half day lamang at matapos ang mahalagang anunsyo, saka pa lamang kami umalis. Tamang kwentuhan lang kay Eric habang lulan ng bus at pakiramdam ko, sa kanya ko lang nasasabi ang ibig kong sabihin at ikwento pagkat nakikinig ito at di teyngan kawali. Diretso lamon ako ng nakahaing ulam sa mesa pagkauwi sabay tutok ang mata sa telebisyon. Sukdulan na talaga ang kasamaan ni Franco at Maximo sa Ikaw Lamang kaya ang panggigil ko, di na maawat at sana'y matodas na sila ng sa ganon ay matapos na ang pagdurusa ni Isabelle sa kamay ni Franco, para sa akin ay Boom panes ang Ikaw Lamang at ginising nito ang katawang lupa ko. Di na ko patumpik-tumpik karakaraka pa sa pagtulog matapos manood ng umaatikabong programa.