Miyerkules, Disyembre 31, 2014

24. December 2014 Journal (Day 700-730)


December 01, 2014
Monday

Year II-335

5i-u. Huling buwan na para sa taong ito't ilang sandali na lamang ang hihintayin bago sumapit ang pinakaespesyal at masayang araw sa ating lahat, ang Pasko. Kay sarap pang humilata sa kama lalo na at malamig ang panahon subalit kailangan ng iangat ang sarili pagkat ako’y papasok na. Hindi pa nga nakakaalis ng bahay ng biglang bumuhos ang ulan at nagbigay hirap sa lahat ng magsisipasok sapagkat baha, mistulan tuloy basang sisiw ang laylayan ng pantalon at nadumihan ng husto ang sapatos pagdating sa eskwela. Pagkapasok ni Ma'am Ria, agad niyang ipinabatid na magkakaroon ng pagsusulit. Di namin naihanda ang sarili para diyan at kami'y nakiusap na huwag munang ituloy, napakiusapan naman si Ma'am kinalaunan at bagkus nagturo lamang ito, kanya-kanyang tala ng mga termino sa kwaderno habang nagtuturo si Ma'am Ria at sana, sa hapon na lamang magturo si Ma'am pagkat nakakapawi ng stress ang paraan ng kanyang pananalita. 

5i-v. Sumunod ay Mental Hygiene na at nagturo lamang si Ma'am Trisha, kahit kung ano-ano na ang nabibigkas na tila hirap unawain, para sa akin napakahusay magturo ni Ma'am. Di na siya nagtagal pa at maaga itong umalis. Habang wala pang guro ay ginawa ko muna ang takdang-aralin sa Math at maya-maya, biglang may pumasok na ibang professor. Siya pala ang humalili kay Ma'am Domingo at nagpakilalang Ma'am Pebenito, kahit sing bilis ng guhit ng kidlat ang kanyang pananalita'y nauunawaan ko pa rin at napakahusay niyang magturo. Sana siya na lamang ang Teacher namin sa Math hanggang sa pagtatapos pagkat okey siya. Matapos ang kanyang pagtuturo'y nagkaroon kami ng Activity. Iba talaga ang hawak mong kakayahan kapag nakikinig at inuunawa ang bawat sinasabi.

5i-w. Lumipas ang ilang sandali, lunch break na at sa halip na kanin at ulam ang kakainin, footlong with hotdog ang naging pananghalian at naumay naman kahit paano. Matapos ang masayang pagsasalo sa karinderya, nagtungo naman kami sa Library at kanya-kanyangtrip sa isa't isa habang naroroon. Pagsapit ng Ala-una, dumako na kami sa silid at mistulang palengke ang silid dahil sa ingay. Lumipas ang ilang sandali, pumasok na si Sir Pablito at di maitago ang kaba sa dibdib ng karamihan sa kamag-aral dahil sa napipinto muling recitation pero di natuloy at nagturo lamang si Sir. Habang nagtuturo ay hinahaluan ng katatawanan, wala namang natawa at nakakaantok ang kanyang pagtuturo. Pagdilat ng mata'y di namalayang tapos na si Sir sa pagtuturo at nagulantang kami pagkat biglang nagkaroon ng maikling pagsusulit. Sa hirap ng katanungan ay naghula-hula na lamang ng isasagot.

5i-x. Maya-maya pa, Social Science na at sa oras na ito'y aakalaing Comedy bar ang silid at hindi talaga nauubusan ng jokes si Sir Marvin. Yung iba ko namang kamag-aral, halabira sa hagikhikan kahit di na nakakatawa at sa totoo lamang, di na maganda ang kanyang biro at nakakasakit na ng damdamin. Sana sa susunod na pagkikita'y seryosohin na ni Sir ang pagtuturo. Sa oras naman ng English, nagturo lamang si Sir Ubenia at buti pa siya na kahit mukhang terror ay maayos ang kanyang pagtuturo at may natutuhan ka talaga, kaso sa antok na nadarama'y nawala ang atensyon sa pakikinig at paminsan-minsang nakakaidlip. Ilang saglit pa, sa wakas at uwian na at tanging sina Czarina at Marla lamang ang kasabay sa pag-uwi at di napapanis ang laway kapag kasama ko sila. Pagdating sa bahay ay ipinabatid sa akin ni Mama na nagbayad na si Aling Mila at magkahalong tuwa at pagsisisi ang nadarama sa dibdib. Di ko dapat muna siya hinusgahan at binabawi ko na ang mga nasabi kahapon. Bago matulog ay nanonood muna ng telebisyon at di ko mapigilang tumawa habang nanonood ng pelikula, ang saya tuloy ng gabi ko.


31 | 24 Dalawang pu't apat na araw na lamang, bago sumapit ang Pasko.


December 02, 2014
Tuesday

Year II-336

5i-y. Malapit ng sumapit ang Alas-singko ng ako'y magising at may pagmamadali sa pagbangon, sa takot na mahuli sa pagpasok. Habang ako'y nag-aabang ng masasakyang dyip ay biglang may kumakalabit, si Marla pala iyon at sa muling pagkakataon ay di muli mapapanis ang laway. Wala pang guro pagkarating namin sa silid at habang di pa dumarating si Ma'am Eloisa, pakikipagpalitan ng kuro-kuro ang siyang iginugol namin sa oras na iyon at di maiwasang ilabas ang ngipin sa kakatawa. Maya-maya pa'y pumasok na si Ma'am Eloisa at bago siya magsimula'y ipinabatid niya sa amin na magkakaroon ng program mamaya doon sa Quadrangle at hiyawan kami agad ng maulinig iyon. Sa dami ng mga sinasabi ni Ma'am na tila nangangaral, sumapit na ang Alas-otso subalit di pa siya nakakapagsimula at mukhang masasayang na ang oras. Nakapagturo naman siya kinalaunan hinggil sa Cell properties.

5i-z. Sa dami ng dapat ituro ni Ma'am sa cells at medyo kapos na rin ang oras, bago lumabas ay inatasan kami ni Ma'am na ihanap ng bakanteng silid upang ipagpatuloy ang kanyang lectureat di muna raw gagamit ng laboratory. Pagkadako sa labas ay kita agad namin ang preparasyon ng ilang mga professor at estudyante para sa gaganapingprogram mamaya. Habang free time ay tulong-tulong kami sa paghahanap ng silid at halos malibot na ang buong campus sa kakahanap. Nang makahanap ng silid na maaring dausan ng lecture, doon kami nanatili at usap-usap habang walang magawa. Isang oras na kaming nasa loob ng silid subalit di pa dumarating si Ma'am at mukhang di nga siya darating. 

5j-a. Lundagan agad sa tuwa ang aking mga kamag-aral na di raw makakapagturo si Ma'am pagkat abala ito at kami'y lumabas na. Kaagad kaming tumungo sa Quadrangle at saktong nagsimula na ang program. Iba't ibang kalahok ang nagpamalas ng galing sa pag-awit at pagsayaw. Sa tuwing mapapabirit ng husto yung tipong di makakayang higitan ay di magkandamaliw sa pagpalakpak. Matapos ipakita ng mga kalahok ang kanya-kanyang talento, naging napakaingay ng buong paligid ng Quadrangle dahil sa hiyawan na animo'y di alintana ang napipintong pagkapunit ng lalamunan ng rumampa ang naggagwapuhan at naggagandahang mga kalahok at napakapit ako ng husto pagkat ang titindi ng kanilang mga dating. Kanya-kanya kaming pambato kung sino ang hihiranging pinakamaganda't poging estudyante sa balat ng Our Lady of Fatima University. Sa gutom, di na namin tinapos pa ang panonood ngpageant at nagtungo na sa karinderya. Naghihigpit muli ng sinturon sa kagustuhang lumago ang ipon kaya sa halip na ulam ay tinapay lamang ang pinanglamang tiyan. Matapos ang masaya at masarap naming tsibugan, nagtungo na kami sa Athletic Center at saktong malakas ang buhos ng ulan kaya naging marahan kami sa pagkilos, sa takot na mamantsahan ang puting pantalon. Habang di pa nagsisimula ang oras para sa PE naisipan naming magsagawa ng Monito at Monita at sa dami ng lumahok ay halos lahat na ng bilang ng seksyon ay kasali. 

5j-b. Habang bumubunot ay palasipan sa akin kung sino ang aking mabubunot at hindi akalain si Enzo ang nabunot ko. Ano kayang ireregalo ko sa kanya at malayo pa naman ang bigayan kaya di ko muna iyan sinasaisip.  Matapos ang bunutan, nagrepaso ako sa Human Development, hirap naman ituon ang isip sa pagrerepaso dahil sa sitwasyong di mapipigilan. Maya-maya pa, PE Time na. Kahit sa tingin ay nakakapagod ang kanilang ginagawa, ibig ko pa rin sumali sa sayaw subalit di maari't baka dapuan ng sakit. Habang sila'y aking pinagmamasdan, kita ko kung gaano sila nahihirapan at karamihan pa'y di na nakakasunod. Lumagpas na sa itinakdang oras subalit di pa kami dini-dismiss ni Sir Bermundo, nagpasya na kong umalis. Kinagabihan, hindi kagandahang balita ang nabatid namin sapagkat may paparating muling malakas na bagyo at tinatahak nito ang mga lugar na una ng dinaanan ng Bagyong Yolanda subalit malaki pa rin ang tiyansang lumihis ito, sana nga. Diretso hilata na ko sa kama matapos ibabad ang mata sa telebisyon.


30 | 23 Mayroon na lamang dalawang pu't tatlong araw, bago sumapit ang pasko at nawa'y lumihis ang malakas na unos upang di na makapaminsala pa at maging masaya ang pagdating ng Pasko at Bagong Taon.


December 03, 2014
Wednesday

Year II-337

5j-c. Sobra pa akong inaantok at hirap pang idilat ang mga mata, Alas-kwatro y medya na at kahit medyo maaga pa, kailangan ko ng bumangon at mag-almusal. Saktong nagkita muli kami ni Marla habang nag-aantay ng masasakyan, kwentuhan muli kaming dalawa. May tatlumpung minuto pa bago magsimula ang klase kaya nagrepaso muna kami sa Human Development, nakakayamot lamang pagkat walang tumatatak sa aking isipan at tila di papalaring makakuha ng mataas na marka. Maya-maya'y pumasok na si Ma'am Ria at nagsimula na ang pagsusulit. Sa halip na sangkaapat na papel ang gamitin ay sangkawalo't mukhang tinitipid kami ni Ma'am. Nakapagrepaso ako subalit halos mapakamot ng ulo pagkat nakalimutan ko ang isasagot kaya ng tseking, di katayugan ang natamong marka subalit pasado pa rin naman.

5j-d. Sa oras naman ng Mental Hygiene, nanonood lamang kami ng Video ukol sa buhay ng mga taong may karamdaman sa pag-iisip at kung pakainin ay tila hayop at halos ikadurog ng puso ang kanilang sinasapit. Paano sila makakawala sa ganong karamdaman kung ang pasilidad, madumi, mabaho at di maayos, kawawa naman ang mga tinakasan ng bait. Sa oras naman ng Math, si Ma'am Pebenito pa rin ang naging guro, medyo nakaramdam lamang ng lumbay sa puso ng ianunsyo ni Ma'am na si Maam Domingo na muli ang magiging guro sa susunod na Linggo, bukod sa mahusay ang kanyang pagtuturo ay mabait rin ito at nakakatuwa pa kaya malaki siyang kawalan sa iba kong kamag-aral na dati ng nakapako sa ganitong Dash, lalo na't dati pala nila itong adviser. 

5j-e. Pagkalabas ay halos ikatusta ng aming balat ang init ng panahon at di aakalaing may bagyong paparating. Matapos kumain ay paggawa ng takdang-aralin sa Filipino ang aming pinagkaabalahan. Maya-maya pa'y tumungo na kami sa silid at sa pagpasok ay tila yumakap ang lamig sa katawan. Nagturo lamang si Sir Pablito at pagkatapos ay nahalina kami sa kanyang ginawa ng basahin niya ang bawat ugali ng ilan kong kamag-aral at tugmang-tugma raw ayon sa kanila. Ng ako na ang kanyang basahin ay laking gulat ko ng malaman ni sir kung anong ugali ang mayroon sa akin at di ko mawari kung ano ang estratehiya niya sa pagbasa ng ugali ng tao subalit may ilan lamang sa kanyang nakita ang di tugma para sa akin. Tama si Sir, ako yung tipong madaling magliyab subalit agad nagpapatawad at sisikapin kong baguhin kung anuman ang negatibong ugali ang nakita sa akin ni Sir Pablito

5j-f. Maya-maya pa'y Social Science na at sa aking pakiwari'y tumitino na magturo si Sir Marvin at may natutuhan na ko sa kanya, may mga oras lamang na nagpapatawa ito at di kagandahan ang kanyang mga sinasabi. Sa oras naman ng English, Clause and Phrases ang itinuro sa amin ni Sir Ubenia. Lugmok na ang aking mga mata kaya di ko na magawa pang makinig sa kanya't napapayukod sa antok subalit iyon ay aking nilabanan alang-alang sa ikatututo ko. Pagkatapos ay nagkaroon kami ng Activity at ikinagalak ko naman ang natamong Marka. Sumapit pa ang ilang sandali, uwian na at sa gutom ay diretso lantak ako ng nakahaing ulam. Medyo nakadarama na rin ng antok kaya di na ko nagbabad pa sa telebisyon at natulog na.


29 | 22 Dalawang pu't dalawang araw na lamang, bago sumapit ang Pasko.


December 04, 2014
Thursday

Year II-338

5j-g. Sa wakas at makakapagpahinga na ang katawan mula sa dibdibang pag-iisip, may maisagot lamang sa klase at labis din ang stress ko kahapon. Sumikat na ang haring araw ng ako'y bumangon. Matapos kumain ng agahan ay paggawa ng takdang-aralin sa General Zoology at Filipino ang inatupag ko at mga dakong ikasiyam na ng matapos ito. Habang maaraw pa at di pa humahagupit ang Bagyong Ruby, naisipan kong maglaba. Kung kailan naglalaba na ako ay saka naman nagtago ang haring araw at nagbabadya pang umulan. Sa takot na abutan ng masungit na panahon, dinalian ko na sa paglalaba. Habang ako'y abala sa pagsasampay ay biglang lumapit si Ate Angelyn, ipapa-tutor pala niya ang kanyang anak, sa tuwa ay kaagad akong pumayag kaso di muna sa ngayon pagkat marami akong dapat asikasuhin. Matapos magsampay ay pansamantala akong nagpahinga at nilibang ang sarili sa panonood ng telebisyon. Sindak ang namayani sa dibdib ng mabatid na maaring maging katulad ng Bagyong Yolanda ang Bagyong Ruby subalit di pa matiyak kung saan talaga tatama ang bagyo dahil sa iba't ibang forecast track ng Meteorological agencies.

5j-h. Sana naman ay huwag ng humagupit ang bagyo bagkus ay lumihis ito. Maya-maya pa, oras na upang mananghalian at dala na rin na kanina pa iniinda ang gutom ay di na ko nakahintay pa sa paglamon. Matapos mananghalian, tumungo naman ako sa unibersidad upang bumili ng libro sa Social Science at kumuha ng Permit para sa Prelim exam. Habang ako'y papasok, bigla na lamang ako hinarang ng gwardiya at sinita dahil lamang sa ako'y nakasibilyan at nakatsinelas. Nakiusap ako sa kanya na ako'y kanyang patuluyin at nakumbinsi naman ito kaagad. Nayayamot lamang ako sa kanyang ginagawa sapagkat di naman niya gasinong sinita ang naunang estudyante sa akin, samantalang nakasibilyan din naman ito at agad na pinapasok, pakiramdam ko'y di pantay ang trato nila sa mga estudyante, di porket na mestisuhin siya. 

5j-i. Magkagayon man, matagumpay kong nabili ang libro sa Social Science subalit bigong mapasakamay ang Permit pagkat wala pa raw stock. Hindi na ko nagpatumpik-tumpik pa sa pag-uwi at habang naghihintay ng masasakyan ay halos ikatusta ko ang init na dala ng araw. Sa halip na umuwi'y dumeretso pa ko sa Computer shop at nagbabad pa ng isang oras, magkasamang ingay at baho ang aking naranasan, ibig ko pa sanang magtagal subalit di ko na kinakaya. Balak ko pa sanang mag-tutor subalit inaantok na ko at natulog. Pagkadilat ng mata, kay tulin ng panahon pagkat madilim-dilim na sa labas. Hindi pa man tumatama ang Bagyong Ruby sa kalupaan, puspusan na ang paghahanda ng mga lugar na maaring hagupitin ng bagyo at madami-dami na rin ang mga residenteng naililikas. 

5j-j. Medyo nakakatakot lamang ang balita sapagkat napakalakas na ng bagyong paparating at maaring maging Supertyphoon. Sana sa pagdaan ng bagyo ay walang buhay ang masayang at nawa'y maliit lamang ang maging epekto nito sa atin. Mga dakong ikasiyam na ng ako'y matulog. Hindi pa nga lumalalim ang tulog ko, may sigawan akong naulinig at napakatalas ng kanilang pananalita. Dumungaw ako sa bintana at kitang-kita kung paano magwala ang lasengero at nag-aamok pa ng away, yung asawa naman niya, hala at tila di nauubusan ng boses sa kakasigaw at anumang bagay ang madampot ay ihahagis sa kaaway na lasengero. Hindi naglaon ay humupa naman ang kanilang bangayan at saka pa lamang nakatulog ng matiwasay.


28 | 21 Dalawang pu't isang araw na lamang, bago sumapit ang Pasko.


December 05, 2014
Friday

Year II-339

5j-k. Lugmok pa rin ang mga mata sa antok at tila kay sarap matulog kapag malamig ang panahon subalit kailangan ko ng bumangon. Pilit man idilat ang mga mata ng maigi pero napapapikit pa rin at tila napakatindi ng aking kalaban, napawi naman ang antok kinalaunan. Masyado pang maaga kaya naisipan kong manood ng telebisyon, magkahalong kaba at takot sa dibdib ang agad na umiral ng mabatid na ganap ng Supertyphoon si Ruby na may International name pang Hagupit, pangalan pa nga lang ay kinakatukutan na at nagbabantang humagupit sa mga lugar na una ng sinalanta ng Bagyong Yolanda. Kung kailan magpapasko na, saka naman dumaratal ang malalakas na unos at nawa'y lumihis o kung di man ay humina ng hindi na lumaki pa ang idulot nitong pinsala. 

5j-l. Dakong ikaanim na ng lisanin ko ang tahanan at pagdating sa eskwela, wala pang gasinong estudyante maging sa silid at mangilan-ngilan pa lamang kami. Habang lumilipas ang oras ang unti-unting pagdami at paghahari ng kaingayan, walang maisipang gawin kaya pagbabasa ang aking inatupag sa halip na makipagtsika. Maya-maya pa'y dumating na si Ma'am Eloisa at umaga pa lamang ay kita na sa kanyang mukha ang pagka-stress, bago magsimula ang kanyang pagtuturo'y inanunsyo ni Ma'am Eloisa na wala muling lab kundi lecture lamang at gaya pa rin ng dati ang kagustuhan niya at iyon ay ihanap siya ng bakanteng silid, daming kaartehan ni Ma'am at pwede naman mag-lecture sa laboratory. Bukod pa roon ay napakaraming sinasabi ni Ma'am at mukhang matatapos ang oras na di pa siya nakakapagturo, daming pangaral sa amin at tila dinaig pa ang guidance counselor. Nakapagturo naman si Ma'am kinalaunanand unfortunately, di pa kami tapos sa Cells at sa dami ng slides ay malabong matatapos iyon ni Ma'am Eloisa ngayong araw. 

5j-m. Maya-maya pa, lumabas na kami sa silid at tulong-tulong sa pang-gagalugad ng mga silid, ng makahanap ay doon muna kami nanatili. Sumapit na ang Alas-dyis at isang oras na ang nasasayang subalit di pa dumarating si Ma'am Eloisa, bumaba muna kami at nakinig ng misa sa may Quadrangle. Pagkabalik ay bigla kaming pinababa ng isa naming kamag-aral sa di malamang dahilan. Kahit wala akong kamuwang-muwang kung saan kami papatungo, nagawa ko pa rin sumunod. Pagkadako sa silid, naroroon na pala si Ma'am Eloisa at katakot-takot na sermon ang inabot namin sa kanya dahil di raw kaagad naihanap ng bakanteng silid at kita sa mukha niya ang langitngit. Ang dami talagang sinasabi ni Ma'am at di na lang magturo ng matapos na at masyado siyang nag-aaksaya ng oras, kung ano-ano pa ang kanyang sinisingit.

5j-n. Naipagpatuloy naman niya ang pagtuturo hinggil sa cells at sa wakas, natapos rin subalit lampas na sa itinakdang oras at mga dakong Alas-dose na kami pinalabas sa halip na Alas-onse y medya. Kanina pa kumakalam ang sikmura ko kaya diretso lantak ng ulam pagkarating sa bahay, balak ko sanang mag-tutor upang kumita, subalit katamaran ang pumigil sa akin at inaantok na rin. Kinagabihan, isang magandang balita para sa ating mga Pilipino pagkat bahagyang humina ang Bagyong Ruby subalit nanatili pa ring malakas na bagyo at di pa rin nawawala ang pangambang magdulot ito ng malaking pinsala sa mga lugar na dadaanan nito. Hindi pa nga lubusang nakakabangon ang mga Bisaya mula sa nagdaang Bagyong Yolanda, heto nanaman ang malakas na Bagyo at may balak pang higitan ang lakas ni Yolanda subalit di nangyari at nawa'y lalo pang humina ng sa ganon ay di na maging grabe ang maidudulot nitong pinsala.


27 | 20 Eksaktong dalawang pung araw na lamang, bago sumapit ang Pasko.


December 06, 2014
Saturday

Year II-340

5j-o. Sarap ng tulog ko na halos di maawat ang sarili sa paghilata, malapit ng mag-ikapito ng ako'y bumangon at naging napakaaliwalas pa rin ng panahon, sa kabila na may malakas na unos ang darating. Pasalamat na lamang tayo kay Amihan maging sa Poong maykapal pagkat habang lumalapit ang Bagyong Ruby sa lupa ay patuloy pa ang paghina nito subalit ito'y magla-landfall na mamayang gabi sa kalupaan ng Samar at Leyte. Sinamantala ko ang maaliwalas na panahon sa pagkukuskos ng sapatos at paglalaba. Matapos maglaba, gawaing bahay naman ang sunod kong inatupag at napakaramingalikabok ang nalikom ko mula harap hanggang likod, sa dami'y animoy isang taong di nawalisan ang sahig, paghuhugas naman ng plato ang sunod kong pinagkaabalahan, inabot na tuloy ng halos isang oras na nakatayo sa lababo. Kahit medyo madami-dami na ang nagagawa'y tila di nababawasan ang taglay kong lakas.

5j-p. Maya-maya pa, nilibang ko naman ang sarili sa panonood ng telebisyon habang hinihintay maluto ang pananghalian. Hindi nalamnan ang sikmura kaninang umaga at kanina pa nakakaranas ng gutom kaya mas maaga pa sa Alas-kwatro ang pagtungo sa mesa ng maluto ang ulam.  Habang lumalapit ang gabi ang unti-unting paglakas ng hangin, hudyat na papalapit na ang Bagyo subalit ito'y malamig at pakiramdam ko'y Paskong pasko na at halos ikangatog ko ang ginaw sa labas. Pagkagat ng dilim, kumukutikutitap na mga Christmas lantern at lights ang nagbukas sa iba't ibang kabahayan at nakakaaliw pagmasdan, animoy Christmas Village na ang aming lugar pagkat halos lahat sa kalapit naming mga bahay ay may nakasabit na palamuting pampasko at gabi-gabing nagliliwanag ang bahay nila dahil sa Christmas lights, di ko tuloy maiwasang mainggit at walang kabuhay-buhay ang bahay namin, ni isang palamuti man lang ay walang nakasabit. 

5j-q. Bukod sa napakaliwanag na kapaligiran dahil sa makulay at mailaw na Christmas light, naghari muli ang kaingayan at sa bawat mga taong dumaraan at nag-uusap, tila kakikitaan ng ligaya sa kanilang mukha at di man lang iniisip na may paparating na bagyo. Maging ang buwan ay nakangiti sa iyo't tila di aakalaing may malakas na unos na daratal. Sa ingay, di tuloy ako makatulog at naisipang makinig ng radyo upang alamin ang mga lugar na kasalukuyang hinahagupit ng bagyo at grabe na ang sitwasyon sa kanila. Kahit di ko akwal na nakikita, sa pag-uulat pa lamang ay napakatindi na ng dinadanas nila't nawa'y walang masamang mangyari sa buong magdamag na ito. Habang tutok ang teynga sa pakikinig ng radyo ay biglang sumingit sa aking pandinig ang sigawan mula sa labas, dumungaw ako sa bintana at sa muling pagkakataon ay may alitang nagaganap at halos magpatayan na sila, ang mga himbing naman sa pagtulog, nagsigising at nagsilabasan at tila may shooting sa dami ng mga nakikiusyoso. Ganito ba parati sa lugar namin, puro na lamang away at gulo? Kaya maya't maya ang namamatay at naibuburol dahil diyan. Humupa naman ang away kinalaunan, malapit ng gumitna ang gabi subalit di pa rin makatulog at malamok pa.


26 | 19 Labing siyam na araw na lamang bago sumapit ang Pasko at sana sa mga lugar na hinahagupit ngayon ng Bagyong Ruby, di gaanong matindi ang pinasalang madudulot.


December 07, 2014
Sunday

Year II-341

5j-r. Sumapit na ang Ala-una ng madaling araw subalit hirap pa rin makatulog at napakalamok pa na walang habas kung mamapak ng dugo at sa bawat kagat, di mapigilang kumamot. Nayamot ako sa lamok pagkat kay liliksi nila at hirap hulihin, sa kakahuli sa mga lamok, bahagya akong nakaramdam ng pagod hanggang sa makatulog. Mga dakong Alas-siete na ng umaga ng ako'y namulat, hindi naging kagandahan ang umaga ko sapagkat muli nanaman tinamaan ng sipon at tila magkakasakit ako. Sa kabila ng nararanasang pagsama ng pakiramdam, hindi ako nagpaapekto at nagpatuloy sa gawaing bahay ng sa gayo'y magkaroon ng silbi at ikatuwa. Saka ko pa lamang ipinagpahinga ang sarili matapos magwalis at maghugas ng plato, sa takot na ito'y lumala. Nakakabato kapag nakahiga lamang at nakatingin sa kawalan, kung kaya naisipan kong manood ng telebisyon.

5j-s. Sa magdamag na paghagupit ng Bagyong Ruby sa kalupaan ng Samar ay grabe na ang tinamo nilang pinsala, mga punong nagsasayawan sa lakas ng hangin at karamihan sa mga ito'y nabuwal na, halos wala ka na rin maaninag sa bigat ng buhos ng ulan at nagdulot pa ng matinding pagbaha. Kalunos-lunos na nga ang kanilang sinapit sa pagdaan ng napakalakas na bagyo subalit sa kabutihang palad, wala pa naman naiuulat na may nasawi sa ngayon. Sa kada Bagyong dumaraan, gaano man ito kalakas ay di titiklop ang masang Pilipino at lalo pa nga tayong tumatatag. Kahit isipin na walang magandang idudulot ang pagdaan ng bagyo at puro kapahamakan ang dala nito, dahil dito'y mas lalo pa tayong nagiging alerto at umuunlad ang ating kahandaan na dati naman ay hindi gaano at binabalewala pa at nag-iiwan din ito ng aral upang di tayo maging pabaya. Ang bagyo, parang pagsubok lamang iyan sa buhay na dumaraan at lumilipas din naman kinalaunan.

5j-t. Sa dami ng mga bansang maaring sagupain ni Bagyong Ruby ay bakit dito pa niya naisipang bumisita? Sa bansang di pa lubos ang pag-asenso. Kinahapunan, matapos kumain ng meryenda'y diretso tungo ako sa Computer shop, tamang nuod lamang sa Youtube ng Moron 5.2. Ang ganda na sana ng pinapanuod ko subalit di naman maulinig ng ayos pagkat kay liligalig ng mga kasamahan kong umuupa. Ingay ng boses nila ang napapakinggan sa halip na yung pinapanood, hindi ko na ipinagpatuloy pa't umuwi na lamang.

5j-u. Pagkarating sa bahay, magkahalong tuwa at pangamba ang namumutawi sa dibdib ng mapakinggan sa balita na suspendido raw ang klase bukas dahil naman sa inaasahang pagtama ng Bagyong Ruby dito sa Metro Manila. Ano ba 'to at biglang nagbago ang isip ni Ruby at may balak pang manalasa rito. Kahit bukas pa inaasahang mananalasa ang Bagyo, naging napakaaliwalas ng panahon sa maghapon maging gabi at kitang-kita ko pa rin ang buwan, subalit dama na ang pabugso-bugsong malakas na hangin.


25 | 18 Labing walong araw na lamang, bago sumapit ang Pasko. Magbago pa sana ang direksyong tinatahak ng bagyo ng hindi na makapaminsala pa dito.


December 08, 2014
Monday

Year II-342

5j-v. Tuwa na siyang patuloy na umiiral sa dibdib pagkat walang pasok sa lahat ng antas at bilang paghahanda na rin sa pagdaan ng Bagyong Ruby mamayang gabi. Sa lamig ng panahon na siyang nagbigay sarap sa aking pagtulog, malapit ng mag-ikawalo ng ako'y magising. Animoy madaling araw pa lamang sa dilim ng papawirin at nagbabadya na marahil ang paghagupit ng bagyo. Wala na ring humpay ang pabugso-bugsong hangin subalit hindi pa naman kalakasan at bukod pa roon ay di pa pumapatak ang ulan. Medyo nakakaramdam ako ng kaunting ginaw sa katawan kung kaya naisipang humigop ng mainit na kape. Pagkatapos, sinimulan ko ng gawin ang takdang-aralin sa English maging take home quiz sa Social Science na ilang araw ng nakatengga  subalit bigong matapos pagkat marami at isa pa'y napagod na ang isip sa kakaisip at kahahanap ng mga sagot. 

5j-w. Kasabay ng unti-unting pagsungit ng panahon ang tila pagsungit din ng pakiramdam ko, sa katunayan ay wala ng humpay ang pagsinga at masakit pa ang lalamunan ko, mukhang magkakasakit pa marahil ako sa mismong pananalasa ng bagyo. Balak ko sanang magliwaliw sa labas pagkat ako'y batong-bato subalit sa sama ng pakiramdam ay mas pinili kong manatili sa bahay at isa pa, baka abutan ng malakas na hangin at ulan at kapahamakan pa ang aking matamo. Upang maparam ang aking pagkabagot, naisipan kong manood ng balita hinggil sa sariwang ulat sa pagtama ng bagyo at sa mga lugar na kasalukuyang binabayo.

5j-x. Pangamba ang umiral sa dibdib ng makita ko kung gaano kalakas ang paghagupit ng bagyo at marami ng mga daanan ang di na madaanan sa taas ng baha, iniisip ko na kung anong bagsik ng bagyo ang natikman nila ay siyang dadanasin namin mamaya na huwag naman sana mangyari. Kanina pa kumakalam ang sikmura ko, kaya ng dumating si ate na may dalang Lechong manok, dali-dali akong nagtungo sa mesa at walang pasubali sa paglantak ng pagkain. Malasa at masarap ang manok na ngayon ay aming pinagsasaluhan kaya naparami ang kain ko't hirap ng kumilos ng maigi sa kabusugan. Maghapon naging maulan ang panahon na siyang nagpasarap sa aming Siyesta at nagbigay lamig sa pakiramdam subalit hindi pa naman ganong kalakas ang hangin.

5j-y. Gayunpaman ang dinadanas na sitwasyon ay todo paghahanda pa rin sa posibleng pagkakaroon ng baha at baka mawalan ng kuryente kapag humampas na ang malakas na hangin. Bago pa man sumapit ang gabi, nabatid naming lalo pang humina ang bagyo at isa na lamang itong Tropical storm na siyang aming ipinagpapasalamat at nakahinga ng maluwag. Medyo hindi na kagandahan ang kondisyon ng ulo at sa sakit, hindi na ko nagtagal pa sa panonood ng telebisyon at nagpasyang matulog na. Kahit humina na ang Bagyong Ruby, magdamag na inulan dito sa Kalakhang Maynila subalit tikatik lamang at walang malakas na hanging nararamdaman. Buti na lamang at naririyan ang Hanging Amihan at unti-unting pinapatay si Bagyong Ruby.


24 | 17 Labing-pitong araw na lamang, bago sumapit ang Pasko at walong araw na lamang, simbang gabi na.


December 09, 2014
Tuesday

Year II-343

5j-z. Kahit bahagya lamang ang naging epekto sa pagdaan ng Bagyong Ruby, ako'y nagagalak sapagkat kanselado pa rin ang klase subalit di maiwasang manghinayang, lalo na't nasasayang ang araw na dapat sana'y may matututuhan at di na nakakaipon dahil sa lintik na bagyong iyan na patuloy ang mabagal na pagkilos. Kahit wala ng bagyo, naging maulan pa rin ang umaga subalit di na maitim ang papawirin na gaya ng kahapon. Hindi na rin nakakaranas ng sakit ng ulo subalit nanatiling mahapdi ang aking lalamunan at hirap lumunok kung ano ang nginunguya, tiniis ko na lamang ang naturang sakit ng lalamunan. Paghuhugas ng plato ang pinagkaabalahan ko matapos mag-almusal, medyo nayamot lamang ako, paano'y parating ako ang naghuhugas kahit di ko naman pinaglamunan at walang kumikilos pagdating sa paghuhugas kundi ako lamang.

5k-a. Kapag sila naman, akala kung sino makapagreklamo't manunumbat pa at isa pa sa kinaiinit ng ulo ko. Pati pagkakapal-kapal na sebo na di ko naman pakana, kamay ko ang naglilinis at tila ginawa akong tagapaghugas ng plato, dapat iba naman at di parating iaasa sa akin ang hugasin sapagkat may hangganan din ang pasensiya ko. Sa yamot, di ko nakontrol ang sariling magdabog, buti na lang at di nabasag. Ang ate naman na paupo-upo lamang at sarap na sarap sa pagkakape, panay ang pigil sa akin at makapagsalita, akala mabuting anak pero nagrereklamo rin naman kapag siya pinaghuhugas. Sa mga sinabi, lalo pang lumago ang inis sa dibdib. Pasalamat na lamang siya, may sarili akong renda at di ko ipinamalas sa kanya ang mga salitang hindi niya maiibigan. Parang bulang napawi ang yamot sa dibdib ng matapos ako sa paghuhugas.

5k-b. Nakakainis yung mga taong pinagsasabihan ka sa bagay na 'yong ginagawa, pero ginagawa rin naman pala nila't wala silang karapatan! Medyo batong-bato ako, kung kaya napagdiskitahan muli ang Android Phone ni ama sabay kulwit ng application. Ilang sandali pa ang lumipas, sumapit na ang oras na aking pinakahihintay at iyon ay kainan. Napakatakaw kong nilalang subalit di naman tumataba't tila wala akong kalaman-laman pagkat putok ang aking mga buto at ugat. Matapos kumain, panonood ng telebisyon ang aking inatupag. Nawili ako sa aking napanood na Epic, sapagkat kahit di niya kasing laki at kauri ang mga duwende, tinulungan pa rin niya ang mga ito laban sa mga kaaway at hanga ako sa determinasyon niyang protektahan sila.

5k-c. Napakagandang aral ang aking napulot at iyon ay magpakumbaba kahit malayo ang pagitan mo sa kanila. Hindi ko pa nga naipipikit ang mata ang biglang pagsungit muli ng pakiramdam at panay ang pagtulo ng sipon, may pasok na bukas subalit malabong di makakadalo sapagkat mukhang magkakasakit. Pagsapit ng hapon, nakatambak muli ang hugasin sa lababo at kahit di ko na ibig pang maghugas, di ako nakatiis at ginawa ko pa rin. Wala naman ibang kikilos kundi ako lamang at matapos ay saka lamang nagpahinga. Bukod sa ako'y sinisipon, bigla naman nakaranas ng pangangati ng mata at sa kati, di ko mapigilang lidlidin ito. Pagkadungaw sa salamin, laking gulat ko ng makitang namumula at nagmumuta pa ang mata, hindi ko batid kung bakit nagkaroon ng Sore Eyes. Pambihira naman itong nangyayari sa akin?

5k-d. Iba't ibang karamdaman na ang dumadapo't sakit na nga sa katawan, sakit pa sa pera ang aabutin kapag ikaw ay may sakit. Hindi ko na dapat ipapaalam kila Mama ang tungkol sa pamumula ng mata, sa takot na makarinig at ipamukha na ako'y pabigat, kaso baka lumala kapag binalewela't di na nagawa pang itago sa kanila. Hindi ako makatulog pagkat napakakati talaga ng aking mata at sa kati, di mapigilan ang kamay na lidlidin ito. Hindi naman ako malungkot o umiiyak subalit walang patid ang pagtulo ng luha at tila napupuwing ako kapag ipinipikit dahil sa malagkit na mutang namumuo. Dati sa teynga ako may problema, tapos mata naman ngayon at di mapagkakailang suki ako ng mga sakit.


23 | 16 Labing pu't anim na araw na lang, Pasko na. Samantalang pitong araw pa bago magsimula ang Simbang Gabi.


December 10, 2014
Wednesday

Year II-344

5k-e. Hindi pa man sumisikat ang bukangliwayliway ng ako'y dumilat. Nanatiling napakakati ang aking mata't may mga minuto na ito'y lumuluha at mandiri ako ng makutkot ang napakalagkit na muta na tumigas na. Sa tigas at digkit, pahirapan sa akin na linisan ang paligid ng mata't tila madilaw dilaw na uhog na naglilimahid sa daliri sa dami ng nakuhang muta. Sumapit na ang ikalima ng umaga, oras na dapat sana'y nakabangon na't nasa mesa na subalit sa kadahilanang malala na ang taglay kong sakit at sa takot na pandirihan at makahawa, nagpasyang lumiban muna sa klase. Mga dakong ikaanim na ng maisipang bumangon, ng manalamin, grabe na ang pagkapula ng aking mata't bahagya pang umimpis ang talukap nito, nangamba ako sa aking nakita't baka mauwi sa pagkabulag. Si Mama naman, todo-todo ang pag-aalala ng masilayan ang kondisyon ng mata at napakaeksaherada ng naging reaksyon nito, di ko na lamang inintindi ang mga sinasabi niya. 

5k-f. Maya-maya pa, inabisuhan na ko ni Mama na magpatingin sa Doctor. Mapupunit muli ang bulsa dahil sa akin at sa katunayan, hindi ko na ibig pang magpatingin subalit sadyang makulit si ina, pumayag na ko at para rin naman sa ikagagaling ng aking mata. Pagkadako sa Commonwealth General Hospital at pagkapasok pa lamang ay tumambad agad ang napakalaking Christmas tree at halos matunaw na ng ituon ko ng buong pagtingin nito at kay gagarbo ng mga palamuti. Ipinabatid sa akin ng sekretarya na mga dakong Alas-dyis darating ang Ispesyalista sa mata't matiyaga akong nag-abang. Malapit ng sumapit ang Alas-onse, ngunit di pa dumarating ang Doctor.

5k-g. Sa kakahintay, nakaramdam ako ng gutom at nagpasyang kumain muna. Pilit kong pinapahaba ang pagkapasensiyoso, subalit umiigsi sa bawat oras na nasasayang at naiinip na ko. Dumating na ang halos lahat ng mga Doctor maging si Doctor Malahito, subalit wala pa si Doctora Del Rosario. Bukod sa naiinip, nayayamot na ko't sinabi pa ng sekretarya na di ito sumasagot sa tawag. Mukhang iresponsable ang doktor na iyan at di pinapahalagahan ang kanyang serbisyo. Sa inip, nagpasyang umalis na lamang. Hindi ko pa nais umuwi at naisipang mamasyal muna sa SM at nagtingin-tingin ng mga aklat sa Bookstore bilang pampalibang. Nang maubusan na ng energy, saka lamang lumakad pauwi't todo ingat sa kinikilos at mahirap na, makapagpalaganap pa ko ng sakit sa mga dumaraan. 

5k-h. Hindi na tulad ng kanina ang pagkati ng mata subalit nanatiling mapula ito, gayunpaman ay mukhang naghihilom na. Matapos makapananghalian, diretsoSiyesta ako. Napasarap ng husto ang aking pagtulog kaya ng pagkagising, takip-silim na at kahit mugto pa ang mata'y kailangan ng bumangon. Bahagyang nabawasan ang pagkapula pagkatingin sa salamin subalit di pa rin kampanteng gumagaling na, lalo na't di pa nalalapatan ng gamot. Kinagabihan at gawa na di pa inaantok, ipinagpatuloy kong sagutan ang take home quiz sa Social Science. Sa dami, muntik-muntikan ng sumuko, buti na lamang at may pagpupursigi ako kaya matagumpay ko itong natapos. Maging assignment sa English at Filipino na di matapos-tapos, pinagkaabalahan ko na rin at malapit ng gumitna ang gabi ng magpasyang ihimlay ang sarili sa kama.


22 | 15 Labing limang araw na lamang, bago sumapit ang Pasko. Anim na araw na lamang bago naman ang simbang gabi.


December 11, 2014
Thursday

Year II-345

5k-i. May araw na sa labas ng ako'y magising at dinig ko na ang pag-uusap nila Mama at Ate. Buti pa ang ate, nangingiming kausapin ni Mama samantalang ako, nanlilimos ng taong makakausap at walang handang dinggin kung ano ang aking tinuturan. Pakiramdam ko, hitsapwera ako sa kanilang dalawa at parang di maibuhos ng buo ang atensiyon sa akin. Hindi naman ako payag na mapanis ang laway kapag di bumubuka ang bibig kaya ng maka-relate ako sa kanilang pinag-uusapan, sumabat ako. Kaso itong si ate, minamasama ang bawat sinasabi ko't nilalagyan pa ng malisya, ano 'bang problema niya sa akin at parang di kapatid ang pakikitungo niya. Nanahimik na lamang ako't naupo sa iisang tabi na walang kasama.

5k-j. Ganito naman ako parati sa kanila, di lang sa kanila kundi sa halos lahat, buhay na buhay at kahit naririyan ang presensiya ko ay parang multo ang turing nila sa akin. Bakit nangyayari ito sa akin at ano 'bang pagkukulang ko sa kanila? Marunong naman akong makinig at pinapahalagaan ang bawat sinasabi nila, pero di nila nakakakita iyon sa akin. Tapos sila pang may ganang maghinanakit kapag nagrereklamo ako't gusto parati, sila ang iniintindi subalit kailan ba'y inintindi nila ako? That is unfair at di dapat maging ganon ang trato nila sa akin. Idinaan ko na lamang sa paglalaro ng Cellphone ang dinadalang sama ng loob at tanging Diyos na lamang ang makakarinig at makakaintindi sa akin. Ng magsawa, pagbabasa naman ng libro ang inatupag ko at matapos ay panonood ng telebisyon. 

5k-k. Pagsapit ng hapon, tinamaan muli ako ng pagkabagot kaya naisipang magtungo sa Computer shop at manood ng Comedy Movie. Hindi lang basta nakakatawa ang Comedy kundi sobrang nakakatawa't parang naibsan ang itinatagong hinanakit sa loob dahil sa kakatawa. Bukod sa nakakatawa, maganda rin ang napanood kong pelikula na pinamagatang The Gifted at ito ay kwento ng dalawang kaibigan na biniyayaan ng katalinuhan subalit nilalayuan at madalas pa'y kinukutya dahil sa di pangkaraniwan ang kaanyuhan nila. Dumating ang panahon na di sila nagkasundo't tuluyan na ngang winasak ng matinding inggit sa isa’t isa ang kanilang pagkakaibigan. Kahit napakabigat ng kasalanan ng kanyang kaibigan, nagawa pa rin niya itong patawarin. Malapit ng sumapit ang Pasko, kaya kung mayroon man di pagkakaunawaan at may samaan ng loob, tuldukan na at matutong magpatawad sa kapwa. Ang pagpapatawad ang tanging susi upang maibalik sa dati ang magandang pagsasama at di matatapos ang problema kung hindi nagpapatawad. Kung ang Diyos nga, nagpapatawad, tayo pa kaya? Medyo nahumaling ako sa panonood ng pelikula, kaya di napansing gabi na pala. Maaga nanaman ako magigising bukas kaya napaaga ang aking pagtulog.


21 | 14 Labing apat na araw na lamang, bago sumapit ang Pasko.


December 12, 2014
Friday

Year II-346

5k-l. Sa sarap ng aking tulog, malapit ng mag-ikalima ng ako'y magising. Medyo nakakabitin ang pagdaan ng gabi at tila gusto pang humilata sa kama, karagdagang kaalaman maging ang paglago ng ipon ang nakasalalay at di na pinatagal pa ang pagbangon. Pagsakay sa tricycle, laking gulat at tuwa ko ng makasabay sila Charmlie at Mary Jane. Mahaba-haba na rin ang panahon na di kami nagkikita kaya di maiwasang magkamustahan, hindi ko akalain na malapit lang sa school na aking pinapasukan sila nag-aaral kaya sabay kami hanggang Access College. Malaasukal na bati agad ng kamag-aral ang sumalubong sa akin pagdating ko, nakakatuwa naman sila't tanging sila lamang ang bumati ng ganun sa 'kin. Mayroon palang maikling pagsusulit sa General Zoology kaya todo ang aking pagrerepaso habang wala pa si Ma’am Eloisa.

5k-m. Pagkapasok ni Ma'am Eloisa, hindi maitago ang tuwa at parang tinakasan ng bait kung magtatalon ng sabihin na magle-lecture lamang siya, wala na ring panahon para diyan kaya sa susunod na taon na lang daw ang quiz. Bago magturo'y napakaraming bagay talagang sinasabi si Ma'am Eloisa kaya nasasayang ang oras at di na lamang magturo ng diretso. Kinalaunan, sa wakas at nakapagturo na ito at tungkol sa Cell Cycle at Cell division ang kanyang itinuro. Tama si Ma'am, kung nagbabasa lamang kami'y maiintindihan kung ano ang tinuturo at kahit interesting ang topic, parang di naman tinatanggap ng utak ko ang mga impormasyon.

5k-n. Sa sobrang wili ko sa pakikinig, di namalayang Alas-nuebe na at kailangan na namin lumabas. Habang magkasama kami nina Ella at Anne Rose, hala at di pa ko nakakapagbigay ng regalo sa aking monito at nagbigayan na raw sila noong Miyerkules. Nakiusap ako kung pwede sa Lunes at pumayag naman sila agad. Matapos kumain, kanya-kanya kaming hanap ng silid para kay Ma'am Eloisa. Bibihira lamang ang bakanteng silid kaya inabot kami ng halos isang oras sa kakahanap. Ng makahanap ay doon na kami nanatili at hinintay si Ma'am Eloisa. Lingid sa aking kaalaman na si Marla ang nakabunot sa akin at saka lamang nito ibinigay ang regalo sa akin. Pagkabukas, Dictionary pala't nakakataba ng puso ang kanyang iniregalo. Kawawa naman si Enzo, pagkat wala pa kong regalo sa kanya. Maya-maya, dumating na si Ma'am Eloisa. Bago magsimula si Ma'am ay ipinabatid ng ilan kong kamag-aral na may Recollection ang lahat ng BS Psychology subalit ang nakakalito, di pa raw sigurado kung ganoong oras.

5k-o. Dami nanaman sinabi si Ma'am Eloisa't di niya matatapos ang lecture kung puro siya dada. About sa tissues ang itinuro sa amin ni Ma'am Eloisa at habang kalagitnaan ng discussion, may isang estudyante ang pumasok. Gagamitin na pala nila ang silid at ano ba ito pagkat maghahanap muli kami ng silid subalit di na natuloy dahil sa Recollection. Balak sana namin dumalo sa recollection, subalit nagpasyang umuwi na lamang. Bago umuwi, tumungo muna kami sa may Registrar office upang kumuha ng permit at napakahaba ng pila. Malapit ng pumuti ang buhok ng uwak ng mapasakamay ang permit. Pagkarating sa bahay at dala ng gutom ay pagkain agad ang nasa isip at diretso kain ako. Matapos kumain ay natulog at mga dakong ikalima na nagising. Malapit na ang Preliminary test, kaya matapos manood ng telebisyon ay nagsunog-kilay ako. Sinamantala ko ang banayad at kalmadong kapaligiran sa pagrerepaso't madali namang tumatatak sa isipin. Malapit ng sumapit ang Alas-dose ng magpasyang matulog.


20 | 13 Nabibilang na ang araw at mayroon na lamang  labing tatlong araw bago sumapit ang Pasko at apat na araw naman bago ang Simbang gabi.


December 13, 2014
Saturday

Year II-347

5k-p. Malakas na tugtog ng aking ama ang siyang tumibag sa masarap kong pagtulog. Pagkatingin sa orasan, Alas-siete na pala at dali-dali akong bumangon. Nakakaasar naman ang lagay ng panahon, balak ko sanang ilaan ang araw na ito upang maglaba, makulimlim naman at umaambon pa. Tila di sumasang-ayon sa aking balakin ang panahon. Tuloy ay gawaing bahay na lamang ang inatupag ko. Matapos magwalis at magpunas, nagpatuloy ako sa pagrerepaso at asignaturang Filipino ang aking nirepaso. Kahit Tagalog kung di naman malalaya ang mga pangungusap at masyadong teknikal ang paggamit ng salita, wala rin at di mo maiintindihan. Marahil nga'y mahina ang aking kukote kaya di malawak ang pag-unawa't sa yamot, nagawa ko na ngang iumpog ang bungo sa pader, nagbabakasakaling  tumalino at gumana ng husto ang utak subalit wala naman nangyari at sakit lamang ng ulo ang aking napala. 

5k-q. Ipinagpatuloy ko pa rin ang pagbabasa sa kabila na nahihirapang unawain ang talata't sana'y di ako mangamote pagdating ng pagsusulit, bagkus ay maging madali't maipasa nawa. Naging abala ako sa pagbabasa't pagkakabisado ng mga terminong makikita. Maya-maya pa'y biglang pumasok si Kuya Denver at tuwa sa dibdib agad ang umiral sapagkat naka-install na ang Wi-Fi para sa buong komunidad at pwede ng mag-access ng Internet kahit na sino. Asensado na ang Sitio Taniman ngayon pagkat bukod sa may nakakabit na CCTV Camera, may Wi-Fi pa at one to sawa muli sila Mama sa pag-surfing ng Internet. Kaso napalitan ng lungkot at inggit ng biglang maisip na di pala pupwede ang cellphone kong nagloloko na sa kalumaan. Kailan kaya ako magkakaroon ng cellphone na kasing gara at katulad ng iba?

5k-r. Batid kong walang magandang idudulot ang inggit, kaso di ko maiwasang maramdaman iyon. Balak ko sanang lumarga sa Mall at bumili ng ipangreregalo sa aking monito, kaso bigla namang bumuhos ang malakas na ulan. Tuloy ay tinatamad na ko't naisipang mamaya na lamang ang lakad. Matapos kong mananghalian ay diretso tungo sa kama at nag-Siyesta, sarap talagang matulog tuwing umuulan. Pagkagising, tumila na ang ulan at gusto ko ng ituloy ang aking balakin, kaso pagkalingon sa orasan, sumapit na pala ang Alas-kwatro.

5k-s. Mukhang gagabihin pa naman ako ng uwi kapag iyon ay itinuloy, nanatili na lamang sa loob ng bahay. Walang maisipang gawin na mahalaga at upang malibang ay idinaan na lamang sa panonood ng telebisyon. Akala ko, palabas lamang na maaring mamagitan ang pag-ibig kahit lupa't langit ang pagitan ninyo sa isa't isa, iyon pala'y tunay at napakaganda ng palabas na aking nasubaybayan at tinutukan sa MMK. Parang buhay ni Ser Chief at Maya lamang ang nangyari sa buhay nila at labis-labis ang kilig sa puso. Pagkatapos at gawa na di pa inaantok, ako'y nagrepaso muna. Hindi naman makapag-aral ng ayos sapagkat nakakabulahaw ang ingay sa labas. Alas-dyis na subalit maingay pa rin at tila walang Tanod na nagsasaway o nanghuhuli.


19 | 12 Labing dalawang araw na lamang ang nalalabi, Pasko na. Malapit-lapit na rin ang Simbang Gabi.


December 14, 2014
Sunday

Year II-348

5k-t. Mga dakong Alas-siete na ng ako’y magising at kaagad na kumain ng agahan. Matapos ay nagrepaso ako. Habang tutok ang mata sa pagrerepaso ay bigla lamang itinanong ng Ate kung magkano na ang ipon ko. Di ko sana ibig ipabatid kung magkano na ang naipon ko pero ng ipangakong bibilhan ngCellphone, sa tuwa ay biglang nagbago ang isip ko. Matapos ang pag-uusap ay agad ko ng ibinigay ang lahat ng aking naiimpok at siya na raw bahala magdagdag. Kahit may mga panahon na di kami nagkakaunawaan at nagkakaroon ng sigalot, laking gulat ko pagkat naisipan pa niyang bilhin ang matagal ko ng minimithi. Sana patawarin niya ko, kung minsan ay nagtatanim ako ng sama ng loob sa kanya. 

5k-u. Pansamantala kong itinigil ang pagrerepaso sapagkat tanghalian na. Matapos kumain ay agad na akong nagbihis at tumungo sa Mall upang bumili ng regalo para sa monito. Sa Alimall ko naisipang dumako. Naging pahirapan sa akin ang bumili ng ipangreregalo, lalo na't ang mamahal pa at di swak sa aking badyet. Nagpatuloy ako sa paghahanap at di naglaon, sa wakas at nakabili na rin ako. Headset ang naisipang ipangregalo sa monito't kahit paano'y may kamurahan at matibay pa. Nakabili ng ipangreregalo kay Enzo subalit wala pang mabili kay Anne Rose at ang hirap naman hanapan kapag babae sapagkat matikuloso't maselan sa mga ganyan. Panyo ang naisipang ipangregalo sa kaibigan. Panay ang sikap ko sa pangagalugad, makabili lang ng panyong matibay at mataas ang kalidad subalit sa taas ng aking hinahanap, wala pa rin akong mapili't sinusubukan ko pa rin maging wais kahit paubos na ang pasensya. 

5k-v. Nalibot ko na ang buong departamento ng Alimall maging sa SM Cubao, pero malaginto talaga ang presyo kaya ni isang kahon ng panyo'y di pa akay-akay ng kamay. Nagtungo pa ko sa Gateway at Farmers, nagbabakasakaling makakahanap na ng panyong mas mura at mas maganda. Mura nga, madali namang maghimulmol at wala pang lagayan. Wala namang mabili doon sa Cubao, naisipan kong magtungo SM North EDSA at doon na lamang bumili. Sa sikip ng sapatos at sa kakalakad ay bahagyang nanakit ang aking paa. Pagkarating sa SM North EDSA at dahil Linggo at malapit na rin ang Pasko, di mahulugang karayom ang dagsa ng mga tao at naging sapalaran sa akin ang makipagsiksikan. Masakit na ang aking paa subalit nagpatuloy pa rin sa paglalakad, makarating lang sa Department Store.

5k-w. Kahit medyo may kamahalan ang karamihan sa mga panyo, di pa rin nawalan ng pag-asang makakahanap ng mas mura hanggang sa mahagip ng tingin ang panyo na bukod sa mura, ang ganda pa ng pagkakagawa at napakadetelyado pa ng mga design, kaya napapayag na ang aking isip na bilhin iyon at sana maibigin ni Anne Rose ang ipangreregalo ko sa kanya. Balak ko pa nga sanang mamasyal sa Trinoma at gabi na lamang umuwi, kaso hindi ko na ibig pang maglakad sapagkat sumasakit na ang paa, nagpasyang umuwi na lang. Pagkarating sa bahay at sa labis ng aking pagod, kaagad akong natulog.

5k-x. Kinagabihan, pagbabalot ng pinamiling regalo ang inatupag ko, kaso di pa bihasa sa pagbabalot kaya nagpaturo pa kay Ina. Maya-maya'y dumating na ang ate at halos lumipad ako sa saya ng masilayan at mahawakan ang bagong biling Cellphone at napabuka ng laki ang bibig sa gara nito. Ang saya ng gabi ko sapagkat nakamtam ko na ang matagal ng minimithing magkaroon ng sariling Android Phone at labis ang pasasalamat ko kay ate. Sa sobrang humaling, di ko mapigilan ang daliring kulwitin ang bagong Selepono't iyon ang inatupag bago matulog. Hindi na nga makatulog pagkat Cellphone ang laman ng isipan at nakakaadik. Ang saya-saya ng magiging Pasko ko dahil dun.


18 | 11 Labing isang araw na lamang, bago sumapit ang Pasko. Malapit na rin ang Simbang Gabi.


December 15, 2014
Monday

Year II-349

5k-y. Dama muli ng aking katawan ang malamig na panahon na bitbit ng Hanging Amihan at sa lamig, ibig ko pang matulog subalit kailangan ng bumangon. Habang kumakain ng almusal ay bigla kong naramdaman ang pananakit ng tiyan, dali-daling tumungo sa banyo't mukhang di muli makakapasok sapagkat tinamaan muli ng Diarrhea at nakailang beses ng labas-masok sa banyo. Hindi ko na nais pang lumiban sa klase at nagawa ko pa ring pumasok pero kung kailan nasa pila na ko ng tricycle ay muli kong naramdaman ang pag-usbong ng sikmura. Hindi ko na makaya pang tiisin ang sakit ng tiyan kaya may pagmamadaling bumalik ng bahay. Bahagya naman bumuti ang lagay ng tiyan matapos magbawas at nakapasok pa rin ako. Pagkatungo sa Eskwela, wala pang guro. Mayroon palang takdang-aralin sa Filipino at nakaligtaan kong gawin kaya dali-dali akong bumaba upang bumili ng materials na gagamitin sa paggawa ng Assignment.

5k-z. Pagguhit ng Snowman sa illustration board ang inatupag habang wala pa si Ma'am Ria at natatawa ako sa aking Drawing sapagkat ang badoy. Sabay tago ng ginagawa ng pumasok ang di kilalang guro at ipinabatid na siya ang hahalili pansamantala kay Ma'am Ria. Sa oras ng Human Development nagkaroon lamang ng reporting at matapos ay nagsalita ito sa harapan. Sa tono ng boses, kahit mahina'y maamo ito at di nakakasindak. Sa oras naman ng Mental Hygiene, habang wala pang guro, daglian ko ng ibinigay kila Anne Rose at Enzo ang regalo at umaliwalas ng husto ang mukha nila ng mabuksan ang regalo. Natutuwa ako sapagkat naibigan nila ang regalo't nakakataba ng puso ang kanilang pasasalamat. IIang sandali pa, pumasok na si Ma'am Trisha at nagkaroon lamang kami ng Seatwork. Kaagad naman umalis si Ma'am Trisha pagkat may mahalaga raw itong aasikasuhin.

5l-a. Sa pagkawala ng guro, naghari muli ang kaingayan. Sa halip na makipagpalitan ng kuro-kuro, ipinagpatuloy kong gawin ang assignment sa Filipino maging sa Math. Halos mabuwang ako sa hirap ng takdang-aralin sa Math, nagpaturo na lamang ako kay Ella, pero maski siya'y nagugulahimanan. Kahit sumasakit na ang ulo sa kaka-solve, ipinagpatuloy ko pa rin ang pagsagot may maipasa lang. Medyo nakakaranas ng gutom si Anne Rose at inayang samahan ko siya. Pagkabalik, nasa pisara na si Ma'am Domingo at abala na sa pagsagot sa pisara ang aking mga kamag-aral. Pagkatapos, nagkaroon kami ng Seatwork at panay tanong ako kay Ma'am sapagkat di ko alam ang gagawin. Hirap talaga ng iyong kalagayan kapag napag-iiwanan ka na dahil lamang sa lumiban ka sa klase.

5l-b. Ilang sandali pa, lunch break na at nakailang takal ako ng kanin na nilahukan ng ulam sa tindi ng gutom. Nang matapos kumain, tumungo naman kami sa library, kaso punuan na't wala ng maupuan, naisipan na lamang tumambay sa harapan ng silid. Magkakaroon pala ng long test sa Social Science kaya inilaan ko ang bakanteng oras upang magrepaso, kaso ang ingay in Anne Rose at panay pa ang pakikipagharutan kay Jed kaya nawala ang konsentrasyon ko. Samantalang seryosong-seryoso si Enzo at Ella sa pag-aaral. Maya-maya pa, lumabas na ang mga taga-Dash 1 at pumasok na kami. Na-Shock kami ng husto at di napaghandaan ang pangyayari pagkat nagkaroon kami ng biglaang pagsusulit sa Filipino, di ako nakapagrepaso't halos mangamote sa pagsagot.

5l-c. Nang tseking na, ang resulta'y wala pa sa kalahati ang natamong marka't ikinatamlay ko iyon. Sa oras naman ng Social Science, pansamantalang umalis si Sir Marvin at habang wala'y sinamantala namin ang oras sa pagrerepaso. Nang siya'y bumalik, hiyawan kami sa tuwa ng ipabatid na sa pasukan na lamang matutuloy ang pagsusulit. Sa oras naman ng English, nagturo lamang si Sir Ubenia at isa-isa kaming pinagbasa. Ng ako na ang matawag, takot at kaba ang nadama sa dibdib, nabenkong tuloy sa pagbigkas kaya naman napagkatuwaan ni Sir. Maging kasaria'y di pinalagpas ng ako'y tanungin at ako ba naman ang napiling pagtripan, kahit nag-aapoy na ang dibdib dahil pahiyang-pahiya sa sinabi, tumawa na lamang ako. Maya-maya uwian na. Itong si Marla, nag-ayang maglakad kami hanggang SM. Bilang pakikisama, sinamahan ko sila at sakit ng paa ang inabot ko. Sa layo ng nilakad mula OLFU hanggang SM, tila alay-lakad na ang ginawa namin. Sa gutom, pagkain agad ang nasa utak. Simbang gabi na bukas at gawa na maaga pa magigising upang magsimba, matapos magrepaso'y kaagad na kong natulog.


17 | 10 Sampung araw na lamang bago magpasko at bukas, simbang gabi na.


December 16, 2014
Tuesday

Year II-350

5l-d. Labis ang pagkasabik ko sa Misa de Gallo kaya sumapit na pa lamang ang Ala-una, hindi pa rin ako makatulog at mga dakong Alas-dos na ng lubusang makatulog, di ko alam kung makakaya pang magising ng maaga. Ng muling dumilat ang mata, maliwanag na sa labas. Nakakainis sapagkat di ako nakapagsimba, ayos lamang iyan at may darating pang Simbang Gabi. Nabigo man ako ngayon pero sisikapin kong gumising ng maaga upang makapagsimba. Heto naman si Mama, hiniritang di na dapat ako magsimba sa Katoliko sapagkat naiiba raw ang relihiyon ko. Hindi na mahalaga kung Katoliko o Born-again Christian pa iyan, basta nakakapagbalik loob ka sa panginoon at nahuhugasan ang iyong mga pagkakasala. Alas-siete na, kailangan ko ng magmadali sa pagpasok pagkat ngayong araw ang aming Preliminary Exam. Pagdating sa eskwelahqn ay agad akong dumeretso sa Library upang magrepaso, saktong naroroon ang ibang kamag-aral at nakisalamuha sa kanila.

5l-e. Maging sa silid, ipinagpatuloy ko pa rin ang pagrerepaso sa kagustuhang pumasa, hindi na maitago ang kaba habang napipinto na ang aming pagsusulit. Maya-maya pa ay dumating na ang aming Proctor at Human Development ang una namin naging pagsusulit. Ang hirap ng exam at hindi biro ang pagsagot, sa hirap ay naghula-hula na lamang ako. Sa kakaintindi ng talata at kakaisip ng isasagot, bahagya akong nakaramdam ng antok, ngunit ito'y aking nilabanan at nagpatuloy sa pag-shade. Kahit ako'y nahirapan, maaga ko pa rin itong natapos. Sumunod at habang wala pang kasunod na Proctor, nagrepaso naman ako sa General Zoology. Masyadong makaagham ang pagkakabisado ng Anatomical term kaya hirap itatak sa isipan at sa totoo lamang ay nabablangko ako.

5l-f. Naku at paano na kaya kapag naisabak na ang utak sa pagsusulit at sana'y gumana ito. Sobrang ingay pa sa loob at di makapagrepaso ng ayos, sa labas ko na lamang isinagawa ang pagrerepaso. Lumipas ang mahigit sa isang oras, pumasok na ko at nagsimula na ang pagsusulit. Pasalamat ako pagkat natatandaan ko pa ang aking nirepaso at gumagana na ang utak kaya naging madali sa akin ang pagsusulit. Isa pa, puro true or false ang uri ng Exam kaya lumaki ang kumpiyansang makakabingwit ng magandang marka.  Maya-maya, natapos din ang kalbaryo sa utak na pagsusulit at bukas ulit. Habang lulan ng dyip at pagkaraan sa may Regalado ay saktong sumakay si Jeremiah at kamustahan kaming dalawa. Laki na ng kanyang pinagbago at dati parating mahina ang kukote at di nakakasunod sa mga lesson ng magkaklase pa kami, ngayon ay napakahusay na niyang mag-aaral ayon sa ikinikwento nito at nararapat lang na kumuha siya ng Mass Communication pagkat napakadaldal nito.

5l-g. Diretso kulwit ng bagong bili na Android Phone pagkaalpas sa bahay. Ni hindi na nga natulog at maghapong tutok ang mata sa magarang Gadget. Pagsapit ng gabi, dinig muli ang kalansing ng pinitpit na tansan at tinig ng mga paslit na umaawit, nagsimula nanaman pala ang panahon ng pangangaroling subalit sa hirap ba naman ng buhay, puro kami patawad.  Tigil muna ang paglalaro sa Android Phone at ako'y nagrepaso muna sa English at Mental Hygiene at habang hagilap ng tingin ang nakalapag na phone sa mesa'y tuksong tuksong dakmain at muling kulwitin kaso'y nilabanan ko iyon alang-alang sa aking matatamong magandang marka. Mga dakong Alas-dyis na ng maisipang matulog at maaga pa magigising bukas upang magsimba.


16 | 09 Siyam na araw na lamang ang nalalabi at Pasko na.


December 17, 2014
Wednesday
Year II-351

5l-h. Madaling-araw pa lamang ng ako'y magising dahil sa alarma ng Cellphone, Alas-tres pa lamang at medyo nakakatamad magsimba pagkat bukod sa inaantok pa ay napakalamig ng panahon at tila kay sarap pang matulog. Pinairal ko ang aking katamaran kaya iyan, di tuloy ako nakapagsimba muli at sumapit na ang ikaanim ng umaga ng muling magising, bawi na lamang bukas at di hahayaang pakawalan ang pagkakataon. Hirap pang ibangon ang sarili pagkat ibig ko pang palawigin ang pagtulog, kaso mahuhuli na ko sa pagpasok at baka makapag-take ng Special Exam. Malapit ng mag-ikapito ng marating ko ang unibersidad at bulto-bultong dami ng mga Estudyante ang sumalubong sa akin. Habang wala pa ang presensiya ng Proctor, wala akong inaksayang oras sa pagrerepaso, kaso mistulang palengke muli ang silid at ang iingay mag-aral ng mga kaklase ko, kapag pinagsasabihan, parang  teyngang kawaling umaasta, hinayaan ko na lamang sila.

5l-i. Bahagya naman tumahimik ng may maglakas loob na magsaway at ilang saglit pa, dumating na ang aming Proctor na si Sir Barrion at Mental Hygiene ang unang naging pagsusulit para sa araw na ito. Hindi ako gasinong nakapagrepaso pero dahil sa Stock Knowledge, naging sisiw lamang ang pagsusulit at kaagad ko itong natapos. Ibig na ng kumakalam na sikmura na malamnan ng pagkain kaya pansamatala muna kaming bumaba at kumain. Matapos kumain ay agad na kaming umakyat, kaso ay mabubulahaw lamang ang pag-iisip kapag sa loob kaya naisipang sa labas na lamang magrepaso. Maya-maya pa, pumasok na kami at asignaturang English ang sunod naming naging pagsusulit.

5l-j. Ako'y nagagalak sapagkat madadali lamang para sa akin ang mga pagsusulit ngayon at marahil ay bunga ito ng aking pagsisikap na makatamo ng mataas na marka. Bahagyang nahirapan ako ng Filipino na at sa lalim ng mga kataga, kahit Tagalog ang pangungusap ay naging pahirapan sa akin ang unawain ang mga katanungang binabasa subalit di naman gasinong nangamote at ginamit ko na lamang ang aking komon Sentido, may maisagot lamang sa pagsusulit. Ng mapansing kakaunti na lamang kaming kumukuha ng pagsusulit, sa inip at sabik sa pag-uwi ay naghula-hula na lamang at bahala na kung ano ang magiging resulta. Maya-maya, sa wakas at natapos na rin ang pagsusulit at uwian na. Medyo minalas nga lamang ng lagay pagkat umuulan sa labas at di nakapagdala ng payong.

5l-k. Ang tagal pa man din tumila ng ulan kaya sinagupa ko na lamang ito at umuwing basang-basa. Buti na lamang at di nagkaroon ng sipon. Sa antok, diretso tulog ako matapos makapanghalian. Sa sarap ng tulog, malapit ng gumabi ng ako'y magkamalay at naisipang magpahangin sa labas. Masyadong mahangin sa labas at muntikan na ngang magsilaglagan ang mga nakasampay na paninda sa lakas ng hanging animoy may Bagyo pero bitbit lamang ng Amihan. Malapridyider din ang simoy nito kaya halos mamaluktot ako sa ginaw at nginig na nginig. Nagpatuloy ang pag-ihip ng malamig na hangin hanggang sa pagsapit ng Gabi. Medyo tinatamad na akong mag-aral at ayaw ng magkabisado pagkat pagod na ang utak, nanood na lamang ng Pelikula sa pamamagitan ng Android phone at labis ang kwela ko sa pelikula at di mahadlangan ang bibig sa paghalakhak. Mga dakong ikasampo na ng maisipang matulog.


15 | 08 Walong tulog na lamang bago ang Pasko.


December 18, 2014
Thursday

Year II-352

5l-l. Hindi nanaman ako pinalad na makadalo sa Simbang gabi pagkat mga dakong Alas-siete na ng ako'y magising. Hindi pa ko nagugutom kaya hindi muna nag-almusal at diretso ligo at bihis na ko. Habang nasa biyahe'y may isang gusgusing paslit ang umakyat at nanghihingi ng limos. Awa agad ang aking nadarama at bibigyan ko sana, kaso baka ginagamit lamang niya ang kanilang kalagayan upang makapanglamang. Kung gusto talaga nilang makaahon sa kahirapan, dapat ay matutong magbanat ng buto hindi yung kukuha sila ng simpatya ng iba tapos nangloloko naman pala. Mukhang mabait naman ang bata kaso mas pinairal ko ang isip kaysa puso. Yung manong Driver naman, ang tapang at pagalit na pinagsabihan ang bata na bumaba, nairita ako sa Driver pagkat kung magpatakbo ay siya ang hari ng lansangan at parang walang pakundangan. Sa liksi na tila nakikipagkarera, ng ipreno'y halos maalis na kami sa kinauupuan at muntikan ng tumilapon ang iba, pasalamat na lamang kami at walang naaksidente.

5l-m. Marami ang nagreklamo subalit agad naman silang nagsitigil. Kaagad akong nagrepaso sa Math pagkarating sa Eskwela't sa lahat ng mga asignatura na una naming naging pagsusulit ay sa Math ko lamang nakitang naging kaabala ang mga kamag-aral sa pagrerepaso at dibdiban nilang inihahanda ang sarili. Kaya naman ang silid, himala pagkat tahimik at kung sinuman ang dumada'y pinagsasabihan nila ito upang di makaisturbo. Ilang sandali pa, laking gulat namin at hindi maitago ang tuwa ng pumasok si Sir Pablito at siya ang naging Proctor namin. Kasabay ng pagpasok ni Sir Pablito ang pagsisimula ng pagsusulit. Sa unang bahagi ng pagsusulit, nadadalian pa ko at nakakaya pang i-solve pero ng nasa kalagitnaang bahagi na hanggang sa kahuli-hulihan, doon na lumuwa ang utak ko sa kakaintindi at kakaisip ng sagot, dahilan kung bakit ako nagtagal.

5l-n. Sa hirap, napilitan ng mag-Madam Auring sa ilang aytem hanggang sa matapos ko ito. Wala akong ibang marinig sa bibig ng kamag-aral kundi ang kanilang reklamo sa naging pagsusulit sa Math. Gawa na di ako nakapag-almusal, nakaramdam ako ng matinding gutom. Heto namang mga kasamahan ko, napakapihikan sa pagpili ng Karinderya at di na makahintay pa ang sikmurang kumain, kaso ang ginawa ko na lamang ay magtiis. Kinalaunan ay nakahanap rin kami ng makakainan at sa gutom, di ko na sila nahintay pa. Pakiramdam ko, nakawala na ko sa mundong napakadilim na dati kong ginagalawan pagkat nakakaya ko ng makisama sa mga kamag-aral ng walang hiya sa dibdib at nakakamtan ang kaligayahan kapag ikaw ay nakawala doon. Sana nga'y magtuloy-tuloy ito at huwag ng bumalik pa upang lalo pang maging progresibo ang aking Sosyal na aspeto at mapalapit ang loob sa kanila.

5l-o. Sa dami ng kinain ay labis akong nabusog at matapos ay nagtungo na kami sa library. Social Science ang sunod at huli naming pagsusulit kaya sa asignaturang iyon ako nagpakadalubhasa sa pagrerepaso. Kahit mataimtim ang buong library ay hirap isuksok sa isipan ang inaaral at parating nakakaligtaan. Maya-maya'y bumalik na kami sa silid at habang wala pang proctor, nagpatuloy kami sa pagrerepaso. Hindi naman ako makapagrepaso ng ayos dahil napakaharot ni Anne Rose at ako pa ang napagdiskitahan, huling araw na ng aming pagkikita para sa taong ito kaya pinagbigyan ko na siya. Naiba ang gawain namin at wala ng ibang ginawa kundi maghagikhikan, di na tuloy ako nakapag-aral at sumakit ang lalamunan sa kakatawa.

5l-p. Ilang minuto ang lumipas, pumasok na ang Proctor at nagsimula na ang pagsusulit. Hindi ko inaasahan na ganong kahirap ang Social Science at litong-lito sa pagpili ng Choices, sa muling pagkakataon ay nag-Madam Auring ako at sana maging epektibo. Bago umuwi ay kanya-kanya kaming paalam sa isa't isa at batian ng Maligayang Pasko. Ako'y natutuwa sapagkat simula na ng mahabang bakasyon bukas. Balak ko sanang sumama kila Marla sa pamamasyal sa SM, kaso maglalakad lamang sila patungo roon at paniguradong sakit ng paa ang aabutin, nagpasyang umuwi na lamang. Bago magtungo sa tahanan, naisipan ko munang magkumpyuter. Sa sobrang humaling ko, ginabi na sa pag-uwi at agad na naghapunan. Dahil bakasyon na magmula bukas, instant babad na ang mata sa pag-surf ng Internet gamit ang Android Phone at sige lamang ako sa paglasap ng marangyang buhay na animoy nalampasan ko na ang lahat ng mga pagsubok sa buhay. Ang sarap mabuhay kapag nakaya nating kaharapin at lampasan ang mga pagsubok at kaya naman natin ito nagawa dahil sa patuloy tayong tinutulungan ni Jesus.


14 | 07 Pitong araw na lamang, kaarawan na ng ating poong tagapagligtas na si Jesus.


December 19, 2014
Friday
Year II-353

5l-q. Simula na ng Christmas Vacation at nagwakas na rin ang pagsusunog kilay para paghandaan ang pagsusulit, kung kaya pwede ng lumasap ng buhay na singsarap ng hamon at may panahon na upang pagtuunan ang ibig gawin ngayong bakasyong grande. Sayang at di muli ako nakadalo sa Misa de Gallo pero ayos lamang iyan at bawi na lang sa susunod na taon. Pagkabangon at dahil magdamag na walang laman ang tiyan, nag-almusal muna ako at tamang surfing lamang sa Internet habang ngumunguya. Matapos mag-agahan, tambak muli ang hugasin sa lababo at iyon ang pinagtuunan ng panahon. Sumunod ay paglalaba ng damit at uniporme ang sunod na inatupag at tamang pagkakataon upang magsampay pagkat kay aliwalas ng panahon at tila walang unos na darating. Nakaimbyerna nga lang at kung kailan nagsasampay na, saka naman di nagpakita ang haring Araw at mukhang di nakikisama ang panahon sa akin. Sa dami ng dapat labhan at isampay, naubusan ako ng enerhiya sa katawan at labis ang pagkapagal, pansamantala akong nahiga. 

5l-r. Nang manumbalik ang dating lakas at dahil walang magawa, pagdutdot ng Android phone ang inatupag ko at sinamahan na rin ng Selfie sabay ipapaskil sa Facebook. Sa panahon ngayon, usong-uso na ang mga katagang Selfie,Stolen-Shot at Photo-bomber at bakit nahiligan nating mga Pinoy na kunan ng litrato ang sarili kung saan-saan o kung may Events? Tapos iibahin pa angmood ng mukha, minsan nakanguso, minsan nakangiti at Sad mood na akala'y may Multiple Personality at kulang na lang ay magbago ang hitsura at hubog ng mukha. Sa sobrang humaling ko sa pag-internet, di ko namalayang tanghaling tapat na at oras na upang busugin ang sarili. Sa dami muli ng nailagak na pagkain sa sikmura ay animoy limang buwan ng may dinadala sa laki at kaumbukan ng tiyan. Hinayaan ko munang matunawan bago mag-siyesta.

5l-s. Saglit lamang ang pagtulog ko at kaagad na ipinihit ang yapak patungo sa Computer Shop pagkabangon. Mukhang nagkamali ako sa Shop na napasukan, siksikan na nga at mainit, maingay pa at samu't saring amoy ang sasagi sa ilong, ang lalakas pa ng putok ng iilan. Bakit kasi yung iba na di umuupa, ginagawang tambayan ang shop at dapat sa kanila, pinapalabas. Kaso walang pagkukusa ang nagbabantay, nagtiyaga na lamang ako. Malapit ng dumilim ng matapos akong magkumpyuter at sa halip na ideretso ang yapak sa tahanan, naisipan ko pang gumawi kila Cathy at kaharutan agad ni Jaka ang bumungad sa akin.

5l-t. Tuwa agad and naghari sa dibdib ng imbitahin ako ni Ate Ging na sumama sa kanilang Christmas Party, minsan lang ito sa isang taon kaya daglian akong pumayag. Si Cathy naman, kanina pa abala sa pagtitiklop at napakarami niyang naikukwento sa akin, kaya itong bibig ko'y di makasingit kapag may sasabihin. Nang bahagyang dumilim, kinailangan ko ng magpaalam sa kanila. Pagkabalik sa bahay, sinabi ni Mama sa akin na hihiramin muna raw ni Kuya Denver ang Cellphone, di ko batid kung ano ang kanyang gagawin at kahit di masumpungan ang kapanatagan sa dibdib, nagtungo pa rin ako sa kanilang bahay at pinahiram sa kanya. Ilang sandali pa, bumalik ako, kaso di pa raw niya tapos ang kailangang gawin at palaisipan na sa akin kung ano na ang kinakalikot niya sa aking Selepono.

5l-u. Nangako naman ito na isasauli mamaya pero tuluyan ng kumagat ang gabi subalit di pa rin naibabalik sa akin. Matapos maghapunan at gawa na wala akong ibang magpagkaabalahan, naisipan muling magtungo kina Cathy. Nadatnan kong ngayon pa lamang sila naghahapunan at kahit di ko na ibig pang kumain pagkat maraming laman ang tiyan, dahil sa pang-uudyok sa akin ni Ate Ging ay napakain pa rin at ang sarap ng kanilang ulam. Nanood pa kami ng Video at sa sobrang wili ng mata sa panonood, sumapit na ang Alas-nuebe at gustuhin ko man tapusin ang kanilang pinapanood subalit kailangan ko ng umuwi. Di pa pala sinasauli ni Kuya Denver ang Phone ko at inis na sa dibdib ang umiiral. Mga dakong Alas-dyis na ng magpasyang matulog.


13 | 06 Anim na araw na lang bago ang Pasko. Malapit na!


December 20, 2014
Saturday

Year II-354

5l-v. Madaling-araw pa lamang ng ako'y magising dahil sa malakas na tugtog, naparam na ang antok kaya di pa man sumisikat ang araw ay bumangon na at nag-almusal. Medyo tinamaan muli ng pagkabato at dahil panahon ngayon ng kapaskuhan ay naisipang magpatugtog ng Christmas Song. Habang nagpapatugtog ay di ko mapigilan ang sarili na umindak at gumiling sa saliw ng musika at parang na-eehersisyo ko na rin ang katawan. Pakiramdam ko, Paskong-pasko na kahit walang nakasabit na palamuting pampasko dahil sa tugtog at iyon ang nagbigay kulay at sigla sa umaga ko. Kahit hataw na hataw na ko sa pag-indak ay di man lang nakaramdam ng pagkahapo at nakaya pang gampanan ang maraming gawain sa bahay. Magmula harap hanggang sa dulo ng sahig ay buong lakas kong nilinisan sa pamamagitan ng pagpunas maging aparador at Kubyertos ay di pinalagpas. Ipinagpatuloy ko pa rin ang pakikinig ng awiting pampasko at naisipang patayin mga dakong Alas-nuebe.

5l-w. Maya-maya, biglang tumungo si Kuya Denver at sinauli na ang aking Selepono. Halos isang araw nawalay sa akin ang Cellphone kaya di maawat ang kamay sa pagkulwit. Medyo nababato na kaya naisipang manood ng Video. Awa at inis ang namayani sa dibdib ng manood ng Naked Weapon. Sa murang edad pa lamang ay sinanay na sila sa masasamang gawain. Hindi rin makatarungan ang pagtrato ng sindikato sa kanila pagkat walang awa nilang binabaril kung sinuman ang magtangkang tumakas at malaimpyerno ang kalagayan ng mga nananatili. Mga babae pa man din sila tapos mas matindi pa sa training ng mga sundalo ang kanilang binubuno at buwis buhay pa.

5l-x. Nang sila ay magdalaga, mas masahol pa ang itinuro sa kanilang skills at matira ang mabuhay ang labanan. Grabe sila sapagkat walang puso nilang pinapatay ang kanilang kasamahan gamit ang matatalim na sandata at nagsidanak ang dugo, maipagtanggol lamang ang sarili at mabuhay. Sa huli, tatlo na lamang ang natira sa kanila. Nang Graduation na ng tatlo ay mas masaklap pa ang dinanas nila. Walang awa silang pinaghahalay ng mga armadong lalaki na animoy lechonkung pagpiyestahan at pinagpasa-pasahan pa. Hindi na makatao ang Human Trafficking sa bansang iyon at dapat sa kanila, pinupurga upang di na makapangbiktima pa.

5l-y. Maya-maya, tanghalian na at matapos kumain, panonood muli ng Video ang inatupag na pinamagatang Ultraviolet. Umaatikabo ang eksena at labis ang aking humaling pagkat ang husay makipaglaban ni Violet. Hindi mo aakalain na isang babae laban sa maraming bandido, nakaya niyang pataubin ang lahat ng mga iyon sa isang balya lamang at ang lupit niya, maganda pa at sexy. Kinahapunan, naisipan ko muling magkumpyuter, naghihingalo na ang liwanag sa labas ng maisipang umalis. Habang naglalakad at habang lumalalim ang gabi ang unti-unting paglitaw ng mga batang nangangaroling. Sa halip na umuwi ay naisipan ko muling bumisita kina Cathy. Wala doon si Cathy ng datnan at ipinabatid sa akin ni Ate Ging na nasa JOLIA Church ito, kaagad akong nagtungo roon.

5l-z. Nadatnan kong humaling sila sa panonood ng Basketball at ng matapos ang laban, saka lamang kami bumaba. Heto naman si Cathy, porket nakita niya ang bago kong Cellphone ay agad niyang hinihiram at napakaignorante niya. Ni pahirapan nga sa akin na pakiusapan ito kapag binabawi ang Cellphone at makagamit ay parang siya ang nagmamay-ari. Sa yamot, pagkabigay niya ngCellphone ay agad na kong umuwi, talagang inubos pa niya ang baterya bago ibalik. Ayaw ko sa mga taong feeling ay kanyang-kanya kahit di niya pagmamay-ari't tampalasan pa makagamit. Pagkauwi, saka lamang ako naghapunan at sermon ni Mama at Papa ang inabot ko. Kung makapagalit ay akala'y napakabulakbol kong anak, Alas-otso pa lamang ng makauwi. Maaga pa kami tutulak sa Quezon City Memorial Circle dahil doon gaganapin ang Christmas party kaya maaga akong natulog.


12 | 05 Limang araw na lamang at Pasko, sana maging masagana at punong-puno ng saya at kulay ang pagdiriwang ng Pasko.


December 21, 2014
Sunday
Year II-355

5m-a. Alas-sais pa lamang, dilat na ang mga mata ko. Magkahalong tuwa at pananabik agad ang umiiral sa dibdib, dahil imbitado ako sa kanilang Christmas Party at gaganapin iyon sa Quezon Memorial Circle. Kahit di ko pa ibig ang kumain ay nag-almusal pa rin upang di kumalam ang sikmura mamaya at magtuloy-tuloy ang Energy. Matapos kumain, diretso ligo at bihis na ako. Habang nagbibihis ay biglang dumating si Cathy. Bahagyang nabawasan ang saya sa dibdib ng ipabatid na di raw makakasama sina Ate Ging kundi siya lamang. Nagbago na ang isip ko at tila hindi ko na ibig pang sumama, kaso nakaligo at bihis na ko kung kaya wala ng atrasan ito. Sina Pastora Anna pa lamang ang naroroon ng dumating kami sa JOLIA Church, mukhang kakaunti lamang ang magsisipagdalo sa Party, kaya lalo pang tumatamlay ang aking Excitement. Bago sumakay sa Service, mataimtim muna kaming nagdasal. Napakatindi ng pananalig nila sa panginoon at damang-dama ko ang kanilang debosyon habang nanalangin, napakaraming idinulog ang Pastora Anna sa panginoon, dahilang kung bakit kami nagtagal at kaginhawan sa dibdib ang natamo matapos magdasal.

5m-b. Maya-maya'y tumungo na kami sa dyip. Mukhang hindi ako nagkamali sa aking iniisip at mas kakaunti kaysa sa inaasahan ang nagsipagdalo, kaya ang Pastora, naiirita na sapagkat di pa raw nakakapagbayad ang iba. Walang gasinong trapik sa lansangan kung kaya mabilis kaming nakarating sa Quezon Memorial Circle. Kahit mangilan-ngilan lamang kami, umaasa pa rin na magiging masaya ang Pagdaraos ng Christmas Party at bonding na rin ito ng kaanib sa relihiyon. Nagkawatak-watak kami at habang hinihintay ang pagdating nila Pastora, pagkulwit ng Cellphone ang aking pinagkaabalahan. Kaso naantala ang libangan ko dahil panay hiram ang Cathy sabay kukunan ng litrato ang sarili. Natatakot akong magkaroon ng hidwaan sa isa't isa kaya parati ko siyang pinahihintulutang hiramin ang Cellphone. Hindi pa nakuntento at kung tutuusin ay mas marami pa siyang litrato kaysa sa may-ari, hinayaan ko na lamang ito at mag-papasko naman.

5m-c. Kaso masyado na siyang abusado at ng di makapagtimpi, lakas loob Kong binawi sa kanya. Bakit kasi di nagdadala ng sariling Cellphone tapos ako ang aabalahin, mahiya naman siya. Ilang sandali pa, dumating na sila Pastora at kami'y nagtipon-tipon sa iisang espasyo, di namin alintana kung madamo at maputik ang aming pwesto, basta maidaos lamang ang Party. Umawit muna kami ng Christian Song at matapos ay nagkaroon ng Fellowship bible study sa pangunguna ni Pastora Anna. Itinuro niya sa amin ang kahalagahan ng pagdiriwang ng Pasko at tunay na diwa nito, buti na lamang sa Born-again, may Pasko at parang Katoliko na rin ang paniniwala nila, wala nga lang mga rebulto at santong sinasamba at di naniniwala sa mga pamahiin kundi sa Diyos lamang.

5m-d. Pagkatapos ay Exchange Gift na at sayang, di ako nakasali sa Monito at Monita, wala tuloy akong natanggap na regalo subalit nanatili pa ring masaya ang nasa loob. Bahagya akong nakaramdam ng gutom kaya habang isinasagawa ang Exchange Gift, lihim akong umalis at bumili ng makakain. Matapos ang Exchange Gift, kainan na at iba't ibang pagkain ang nakahain sa mesa kaya naman sige ako sa paglamon at halo-halo na nga ang kinain. Sa dami ng pagkaing nakahain, animoy piyesta at di makakayang ubusin. Halos nahirapan na kong ikilos ang sarili dahil sa kabusugan. Pagkatapos ay sama-samang kaming nagkuhaan ng litrato at kahit may inis kanina kay Cathy, naglaho naman ito at Groupie kaming dalawa. Wala ng aktibidad kaya ibig ko ng umuwi, kaso maaga pa lamang at naisipan kong maglibot-libot muna. Dahil malapit na ang Pasko at nagkataong Linggo, sobrang dami ng mga taong namamasyal at naging sapalaran sa akin ang makipagsiksikan, ang init pa man din ng panahon at halos maliyo na ko sa amoy nila.

5m-e. Maya-maya'y bumalik na ko kung saanman kami nakapuwesto. Ang iba sa kasamahan ko, natulog na lamang sa sobrang kabagutan. Wala kaming magawa, kaya kung sino-sino ang aming pinagkatuwaan at naging libangan rin ang pagbabasketbol, kaso di ako sumali pagkat ako'y nahihilo na. Sa hilo, tila ibig ko ng umuwi kaso naudlot ng ako'y atasan ng Pastora na bantayan ang kanilang gamit at gagala muna raw sila. Hindi ko na matiis pa ang hilo kaya ibinigay ko na kina Thalia ang aking obligasyon at kaagad naman sila pumayag. Pagkapaalam, may pagmamadali na akong umalis kaso saktong nakasalubong sina Pastora. Hindi pa ko nakakapagbayad para sa Service kaya bago umalis, ibinigay ko kila Pastora ang bayad at matapos ay malumanay akong nagpaalam sa kanila.

5m-f. Pagkauwi, saktong may nakahaing manok sa mesa. Nakakapaglaway ang Aroma nito at mukhang masarap kaya kahit busog na at hilo, hindi ko mapigilan ang sariling lantakan ito at naparami pa ng kain. Sa pagod at dala na rin na nahihilo, pansamantala akong natulog. Lumagom na ang dilim sa labas ng ako'y magising at lalo pang sumidhi ang hilong nadarama at tila gusto kong isuka ang nasa tiyan. Padalos-dalos kasi ako kung kumain kaya iyan ang napala ng katawan at napakasama ng kalagayan ko. Maya-maya, nagsuka na ko at halo-halong pagkain ang lumalabas sa bibig. Sa dami ng aking sinuka, nanghina ako. Hindi ko ipinabatid kila Mama ang kalagayan sa takot na mapagsalitaan. Sobrang sama ng pakiramdam ko nun at umiinog pa ang paningin kaya napaaga ang aking tulog. 


11 | 04 Isa, dalawa, tatlo, apat na araw na lamang bago ang Pasko.


December 22, 2014
Monday

Year II-356

5m-g. Hindi na singsahol katulad kagabi ang aking nararanasan at parang bulang naparam sa muli kong pagmulat ang pagkahilo at tila walang nangyari. Nagpapasalamat ako sapagkat walang nangyari sa buong magdamag. Dahil may mahalagang lakad ngayon si Mama, ako ang naatasan niyang magbantay sa tindahan at malugod ko iyon tinanggap. Ako'y nagagalak na sa kabila na malimit pagalitan at parating nakikita ang aking kapalpakan ay naibigay pa rin nito ang tiwala sa akin at hindi ko iyon sasayangin, bagkus ay papahalagaan ko pa upang mapatunayan sa kanya na dapat akong pagkatiwalaan at mapanatili. Matapos kumain ng agahan ay sinimulan ko ng magbantay sa tindahan. Sa oras na may bumibili, hindi ko maiwasang mataranta lalo na kapag medyo mataray at mainipin ang bumibili. Kahit paupo-upo lamang, hindi pala basta-basta ang buhay bilang isang Vendor, maghapong dilat ang mata sa pagtitinda at kailangan ay alerto upang di maisahan ng mga mahilig manloko.

5m-h. Upang di tumirik ang mata sa kakahintay ng mamimili, nilibang ko ang sarili sa paglalaro ng Cellphone at naantala ang gawain sa oras na may bumibili at kahit labag man sa kalooban, wala kang magagawa kundi ang asikasuhin sila. Habang nagbabantay ay dama ko ang malakas na hangin at sa lakas, nagsasayawan na ang mga paninda. Lumipas ang ilang sandali ay biglang napagawi si Cathy at hinihiram niya muli ang aking Cellphone, ipapa-upload pala ang kanyang mga litratong kiri subalit di ako pumayag at sinabing ako na ang bahala. Napakiusapan naman ito kinalaunan at kargo ko pa tuloy ang i-upload ang kanyang photo at masyado na itong abala. Pagkabukas ng accountay laking gulat ko ng masulyapang na-hack, naghari ang panghihinayang ko sa dibdib at di mabatid kung sino ang salarin, anim na taon akong may Facebook account, tapos ay mawawala na lamang ng ganun-ganon.

5m-i. Mga dakong tanghali ng itinigil ko ang obligasyon sa pagtitinda upang mananghalian. Mukhang di ako makakapag-siyesta ngayon dahil di pa umuuwi si Mama, ang ate naman, tulog samantalang may ibang pinagkakaabalahan ang Papa walang maasahan sa tindahan kundi ako at sa totoo lamang, mugto na ang mga mata at ibig ng matulog. Dumating naman si Mama at kung kailan malapit ng magtakip-silim, kaso nawala na ang antok ko kaya di na nakapag-siyesta at naisipang magkumpyuter muli. Inabot na ko ng gabi ng makauwi at laganap muli ang mga batang nangangaroling. Kawawa naman sila pagkat tigpipiso at minsan ay singkong duling lamang ang dumadampi sa kanilang palad, ibig ko sanang bigyan ng mas higit pa sa ibinibigay ng kapitbahay, kaso wala akong kakayahan.


10 | 03 Isa, dalawa, tatlong araw na lamang bago sumapit ang Pasko. 


December 23, 2014
Tuesday

Year II-357

5m-j. Sumapit na ang umaga at maliwanag na sa labas ng ako'y magising at sabik na sabik na sapagkat malapit na ang Pasko at sana'y singsaya ng nakaraang taon o mas higit pa sa saya ang aming pagdiriwang sa Pasko. Matapos mag-almusal ay gawaing bahay kaagad ang aking inatupag. Daming dapat tapusin at asikasuhin kaya umaga pa lamang ay stressful na ang araw ko, tapos magbabantay pa sa tindahan at talagang lugmok na ang aking mata. Sa bawat baryang dumadampi sa aking palad ay lumilitaw ang pera sa aking mata at kating-kating umitin ngunit mabuting konsensiya pa rin ang nangibabaw sa dibdib kaya di ko itinuloy. Hindi ko lang maiwasang maurat kapag ang kostumer ay pabago-bago ang pasya at di malaman kung anong ibig bilhin. Katulad na kung kailan nakapitas na ng sachet, biglang nag-iba ang gustong bilhin, kaya naman ako, windang na windang na at litong-lito.

5m-k. Isa pa'y yung batalyunan ang dating ng mamimili at sabay-sabay na bibili, siyempre mahina ang kalaban at sasamantalahin nila ang kahinaan mo, kapag gulong-gulo ka na'y makakaya ka na nilang lokohib at sasabihing nagbayad na kahit hindi pa pala. Kailangan talaga, kapag may negosyo ka'y matalas ang isip at parating alerto upang di madalas maisahan. Pasalamat na lamang ako at nabiyayaan ng angking abilidad sa Matematika kaya kwentado ko ang bawat binibili at isinusukli sa kanila. Hanggang sa sumapit ang tanghaling tapat ay ako pa rin ang namamahala sa tindahan, gawa ng gutom at ibig na ng alaga sa tiyan ang kumain, itinigil ko muna ang obligasyon.

5m-l. Matapos kumain, nagbantay pa rin sa tindahan at upang di mabato ay naisipang manood ng telebisyon. Dalawang araw bago sumapit ang Pasko, dagsaan na ang mga pasahero sa mga terminal at pantalan at buti pa sila, nagagawang idaos ang Pasko sa ibang lugar o bansa samantalang dito lamang kami at naghihintay na lamang ng Aguinaldo. Saka lamang ako nakapag-siyesta ng si Mama na ang nagbantay.  Kinahapunan at sa kadahilanang mahaba na ang buhok, nagtungo ako sa barber shop upang magpatagpas ng buhok. Pagkatapos at gawa na di ko pa ibig ang umuwi, naisipan ko muling magkumpyuter. Hindi ko inasahan na ganung kaingay ang mga nagkukumpyuter at naninigarilyo pa.

5m-m. Sa totoo lamang ay halos maliyo ako sa amoy ng sigarilyo at di na makaya pang magtagal subalit pinairal ko ang pagiging matiisin. Matapos ay dumayo pa ko kina Regine, saktong naroroon na si Annie subalit wala pa si Gelyn. Wala kaming ibang inatupag kundi mag-selfie at di ko malaman sa sarili kung bakit parating Awkward ang posting. Lalo pa kaming ginanahan ng sumali si Angelica. Nanatili pa ko sa kanila hanggang sa sumapit ang gabi at pagkauwi, mukhang magiging maingay ang buong magdamag dahil sa may patay at sa mismong harapan pa ng bahay napiling ipuwesto ang pasugalan. Wrong timing naman ang kanyang pagpanaw at kung kailan magpapasko pa.

5m-n. Maghapong nagbantay si Mama sa tindahan at sa pagod, ako muli ang namahala sa tindahan at on duty hanggang sa lumalim ang gabi. Daming sugalero sa harapan namin at panay pa ang hithit-buga ng sigarilyo kaya naman naging bestseller sa aming tindahan ngayong gabi ang panindang Sigarilyo. Grabe ang pinaggagawa nila at di ba sila naaawa sa sarili? Katawan nila iyan at tindero lamang ako kaya wala ng pananagutan kung sakaling malagay sa malubhang karamdaman ang kalusugan nila. Sumapit na ang Alas-onse at mugto na ang mga mata, sa antok ay gusto ko na ngang magsara subalit pinigilan ako ni Mama at siya na raw ang magbabantay.


09 | 02 Mayroon na lamang dalawang araw bago sumapit ang Pasko at siyam na araw naman bago ang 2015.


December 24, 2014
Wednesday

(Christmas Eve)
Year II-358

5m-o. Sumapit na ang bisperas ng Pasko subalit hindi pa rin makatulog ng mahimbing sa ingay ng mga naglalamay at nagsusugal. Pagkatingin sa orasan, Alas-tres na pala ng madaling-araw. Si Mama naman, magdamag palang dilat ang mata dahil nagtitinda pa ito at habag na ang namutawi sa dibdib pagkat siya'y nagpupuyat, maasikaso lamang ang mga mamimiling walang humpay kung pakyawin ang panindang sigarilyo. Mga dakong Alas-kwatro na ng ako'y makatulog. Pagkagising, mukhang malungkot ang pagsalubong sa Pasko pagkat umuulan at wala pang humpay ang pagbuhos. Animoy nagdadalamhati ang kalangitan sa dilim at mukhang maghapon o hanggang gabi uulanin ang Metro Manila. Hindi naman ako makalabas at upang hindi mabato'y naisipan kong magpatugtog ng awiting pampasko. Kahit di kagandahan ang lagay ng panahon ay dama ko pa rin ang diwa ng Pasko.

5m-p. Maya-maya, bigla na lamang nag-alburoto ang Kuya at parang dinaig pa ang mabangis na hayop kung magwala. Nawawala pala ang saksakan ng radyo na madalas niyang pagdiskitahan. Hinalughog na namin ni ina sa ilalim ng katre, subalit di masumpungan at panay na ang pagmamaktol ng Kuya Al. Hindi naman ito mapakiusapan na tumigil pagkat di nakakaintindi. Pilit ko siyang inuunawa pero nagpupumiglas ito kapag pinipigilan, sa puntong iyon ay nayamot na ko sa kanya at di na malaman ang gagawin. Maging si ina, naubusan na ng pasensiya at kahit labag man sa kalooban ay nagawa na niyang pagbuhatan ng kamay at pagsalitaan ng mabibigat. Paano, ayaw tumigil sa pagmamaktol samantalang aligaga na kami sa paggawa ng paraan at di malaman kung anong dapat gawin. Nakita naman ito kinalaunan ang at siya'y huminahon.

5m-q. Parang biglang nagbago ang ihip ng hangin ng lambing-lambingin ito ni Mama at humingi ng tawad. Natuwa naman ako pagkat agad naging maayos ang lahat. Maging tanghaling tapat ay di pa rin tumitila ang ulan at mukhang aabutin na ito ng Pasko. May balakin pa naman ako ngayon, kaso hindi matutuloy. Natulog na lamang ako at dalanging huwag ng umulan mamaya para masaya at makulay ang pagsalubong sa kapanganakan ng tagapagligtas. Mukhang dininig ang hiling ko at huminto nga ang ulan, sana magtuloy-tuloy hanggang bukas. Gawa na sobrang abala si Mama sa pagluluto ng panghanda sa Noche Buena, ako muli ang namahala sa aming tindahan. Nang matapos na ang obligasyon sa pagtitinda, saka lamang nakalakwatsa at naisipang magtungo sa bahay nila Aling Gina. Daming bisita sa kanilang bahay at buti pa sila pagkat sangkatutak ang kanilang handa na animoy may nagdiriwang ng kaarawan at halos lahat nga sa kanila'y abalang-abala.

5m-r. Si Annie naman, panonood ng television ang pinagkakaabalahan at di ko nga ito makausap pagkat nakatuon sa telebisyon ang kanyang atensyon. Hindi ko naman sila pwedeng udyukin na makipagkwentuhan pagkat busy, umalis muna ako at kina Angelica naisipang magtungo. Hindi ko nanaman mapigilang ilabas ang ngipin sapagkat masaya ito kausap at buti pa sila, kahit maraming ginagawa'y nangingiming kausapin ako. Kahit simple lamang ang pagdiriwang ng Pasko sa kanila at walang gasinong handa sa hirap ng buhay, tingin ko'y masaya pa rin dahil kumpleto sila samantalang isa sa miyembro namin ang wala mamaya dahil may trabaho. Habang tumatawid kami ni Angelica sa tulay ay saktong nalusot ang isang paa sa butas nito, masuwerte naman isa lamang ang nalusot at nagpapasalamat pagkat di ako nahulog. Si Angelica naman, sa halip na tulungan ako na iaangat ang sarili ay panay ang halakhak. Malapit ng gumabi nang ako'y umuwi.

 5m-s. Sa pagsapit ng gabi, doon na nagsimula ang kasiyahan at kaliwa't kanan na rin ang Christmas Party, kaya ang kapaligiran ay animoy di na masumpungan ang katahimikan dahil sa ingay. Marami na ring mga tsikiting ang nanghihingi ng Aguinaldo sa bawat kabahayan at bawal ng tumawad ngayon. Kaso kapag ako ay nagbibigay, sa halip na ikatuwa nila Mama ang pagiging Santa Claus sa mga bata ay nagagalit pa at pinipigilan. Pasko naman at minsan lamang ito sa isang taon kaya pagbigyan na. Ang ikinakatakot kasi nila, baka maubusan pero ang totoo'y double o mas higit pa sa beses ang babalik. Gawa na matutulog ang tindera, ako muli ang nagbantay sa tindahan. Dahil nagbukas muli ang pasugalan at isa pa iyon sa dagdag polusyon ng ingay, naging mabenta muli ang sigarilyo. Naantala tuloy ang pakikipagpalitan ng mensahe sa kaanak dahil sa mga sugalero.

5m-t. Mga dakong Alas-nuebe ng magising si ina at natutuwa ako pagkat makakapaglakwatsa muli. Sa bahay naman nila Cathy ko naisipang magtungo at nadatnang sayang-saya sila sa pagbibidyooke. Kahit di pinagpala ang kinam ng boses at bilang pakikisama na rin sa kanila, umawit ako at sa totoo lamang ay naibsan ang pagkadungo ng ako'y nakawit. Tama si Ate Ging, lahat tayo ay biniyayaan ng magandang tinig at di dapat ikahiya, bagkus ay pag-ibayuhin pa. Lalo pang lumakas ang loob ko ng sabihin niya iyon. Nanatili pa ko sa kanila hanggang sa sumapit ang Alas-onse. Hindi ko pa ibig umuwi kaya naisipan muling gumawi kila Aling Gina, kaso tulog na ang halos lahat sa kanila at mga lalaking tumatagay ng alak na lamang ang gising. Si Kuya Lance naman, panay udyok sa akin na lumagok ng Alak at nangungulit pa. Mukhang nawawala na siya sa sarili at marami ng nalagok kaya di ko na siya pinakinggan at piniling umuwi na lamang.


08 | 01 May isang oras na lamang bago sumapit ang Pasko at halos lahat rito sa amin ay dilat na dilat pa rin kahit malapit ng lumalim ang gabi.


December 25, 2014
Thursday

(Christmas Day)
Year II-359

5m-u. Sumapit na ang hating-gabi, hudyat na sumapit na ang Pasko at oras na rin upang idaos ang Noche Buena kaso kaming dalawa lamang ni Mama ang gising na abala sa pagbabantay ng negosyo, kaming dalawa lamang ang nagdaos ng Noche Buena at matamis na Salad at Pancit bihon ang napagsaluhan namin. Maya-maya pa'y sumiklab na ang pailaw sa kalangitan at sa ganda, labis akong nahalina subalit saglit lamang iyon at may mangilan-ngilan ring nauulinig na putok. Paskong-pasko na pero di naiiba ang sitwasyon sa ordinaryong araw at anu ba 'yan, halos magpatayan na sila kung magpalitan ng lakas, palibhasa di matanggap ang pagkatalo sa sugal at panay pa ang inom kaya nagiging bayolente. Kawawa naman sila sapagkat sinasayang lamang ang buhay para diyan. Naawat naman kinalaunan. Pagsapit ng Ala-una at dahil lugmok na ang mata sa antok, natulog na ako.

5m-v. Malapit ng sumapit ang ikawalo ng ako'y magising. Naging maaraw ang panahon kaya marami na ang namamasko sa pali-paligid. Ang mga handang nitong Noche Buena kagabi ang naging agahan ko at sa dami, labis akong naumay. Pagkatapos ay nagbantay muli ako sa tindahan. Sa kada mga paslit na namamasko ay sige ako sa pamumudmod kahit tiglilimang piso lamang at mas maigi na yung nagbibigay kaysa tumatanggap. Dami ng mga kabataan na nakabihis ang pakalat-kalat sa lansangan upang tumanggap ng regalo sa kani-kanilang mga Ninong at Ninang. Gusto ko sanang samantalahin ang araw na ito upang makalikom ng salapi, kaso malaki at matanda na ko at hiya ang pumigil sa aking mamasko. Hanggang ganito na lang ba ang Pasko ko, paupo-upo at nag-aabang ng mamimili at ang boring naman kung gayon.

5m-w. Maya-maya ay lumapit si Mama, magkahalong tuwa at sabik ang nadama sa dibdib at tila magkakakulay ang Pasko ko ng sabihing mamasyal kami mamayang hapon. Bago sumapit ang tanghali'y biglang dumating ang mga pinsan kong pawang mga paslit kasama ang mga Tito't Tita ko. Lalo pang sumigla ang Pasko namin dahil sa mga bisita. Parang giyera kung sumugod ang mga pinsan ko't halos maubos ang pera at pangregalo sa dami nila. Nang makatanggap ng Aguinaldo, kasama ang mga pinsan kong namamasko ay nagtungo kami sa bahay nila Auntie Caling. Samu't saring handa ang nakahain sa kanilang mesa at tuksong-tuksong lantakin kaso umiral muli ang delikadesa ko, hanggang tingin na lamang ang naisin.

5m-x. Panay ang kuhaan namin ng litrato na magkakasama at parang mayreunion na nagaganap, hindi ko inasahan na ganito magiging kasaya ang Pasko ko ngayong taon at nakapamasko pa sa kanila. Nang makapamasko, umuwi na ko. Ang kaninang abot langit na ligaya sa dibdib ay biglang napalitan ng pagkadismaya ng sabihin ni Mama na di na matutuloy ang aming balakin pagkat ito'y pagod na raw. Nakakainis naman siya at umasa lamang ako sa wala, itinulog ko na lamang ang naturang lungkot. Pagkagising ay nagpakita muli ang tuwa ng bumisita si Ate Anne at mamasko pala sa amin. Limpak limpak din ang napamaskuhan niya mula kay Mama at inggit ang namayani sa dibdib, buti pa siya, umaapaw na ang pitaka samantalang kakarampot lamang sa akin, tapos naudlot pa ang aming balakin, lalo pang sumidhi ang lungkot sa dibdib.

5m-y. Akala ko, ito na ang pinakamasayang Pasko pero napawi iyon dahil sa lungkot. Sumunod ay sinamahan ko si Ate Anne patungo kila Auntie Andrea. Tamang kwentuhan lamang kaming magpipinsan kasama si Tita Yetet at Tita Bulehn at daming mga bata sa kanila, kaya naman ang buong tahanan, naging napakaingay. Ang Auntie Andreanaman, abalang abala sa paglalaro ng Tong-it kaya di nangingiming kausapin ang mga bisita at libangan na niya kasi iyon, lalo na't hindi makalabas dahil sa iniindang rayuma at kita ko kung gaano na kapayat si Auntie Andrea, mukhang marahil na bwenas si Ate Anne ngayon pagkat bukod sa nakatanggap na ng pera, nakatanggap din ito ng panghanda sa Bagong taon. Nakatanggap rin naman ako, bagoong nga lamang subalit para kay Mama iyon. Hindi na nagtagal pa si Ate Anne kila Auntie Andrea at kaagad ng dumako sa Bulacan ng makapamasko. Pagkagaling kila Auntie Andrea, ay agad kong idinako ang yapak sa bahay nila Aling Gina.

5m-z. Saktong naroroon si Gelyn at mag-anak silang nagkakasiyahan sa kantahan. Tamang kuha lamang ng litrato kaming dalawa. Sa tagal ni Gelyn na gumagamit ng Android Phone ay bihasang bihasa na ito, sa katunayan ay tinuruan niya ko at may ilan akong natutuhan sa kanya. Maya-maya, lumabas si Annie at nag-ayang umakyat sa bubungan. Habang nasa bubong at sayang-saya kami sa pagliliwaliw at pagtingin ng magagandang tanawin ay may naulinig akong may tumatawag sa pangalan ko. Si Cathy pala iyon at nag-aayang tumungo sa kanila. Pansamantala akong nagpaalam sa kanila at pagkarating, nandoon pala si Daniel maging ang kamag-aral nitong si Jonnabelle at non-stop sila sa Bidyooke. Hindi ko na ibig ang kumanta dahil nauupos ang boses, kaso sadyang makulit si Cathy, ayaw mapahiya sa natitipuhang lalaki na si Daniel at Pasko naman kaya pinagbigyan ko na. Napakanta tuloy ng wala sa tono at nasisintunado dahil ang kisig ng kaharap ko.

5n-a. Sa sobrang humaling ko sa pagkanta, nananitili ako sa kanila hanggang gabi at tila walang kapaguran ang boses sa pagbirit. Maya-maya'y kinailangan ko ng magpaalam sa kanila. Kahit gabi na at malapit ng matapos ang araw ng Pasko, dami pa ring mga bata ang pakalat-kalat sa lansangan at patuloy na humihingi ng Aguinaldo. Habang nagbabantay ng tindahan at upang di tumirik ang mata sa kakaantabay ng mamimili, naisipan kong aliwin ang sariling manood ng Pelikula. Napakalikot ng bawat eksena at parang tinakasan na nga ako ng bait pagkat panay ang aking halakhak. Sa dami ng tawa ay tila nanumbalik muli sa saya ang Pasko ko. Malapit namang mag-hating gabi ng magising si Mama. Sa kakabantay, tinamaan na ng antok at naisipang ipagpahinga na ang sarili. Hindi naman makatulog dahil sa ingay ng mga nagsusugal dito at masyado na silang nakakabulahaw sa mga himbing na sa pagtulog.


07 Merry Christmas! Pitong araw na lamang ang nalalabi at Bagong Taon na.


December 26, 2014
Friday
Year II-360

5n-b. Katatapos lamang ng pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong naman sa Bagong Taon ang pinaghahandaan ng mga Pinoy. Nagising ako sa ingay ng mga disturbong nagsusugal, pagkatingin sa relo, Alas-kwatro pa lamang at sa antok na naghahari sa katawang lupa, tumulog muna ako. Si Mama naman, parang pinapahirapan ang sarili sa pagpupuyat at di pa pala siya nakakatulog dahil sa magdamag na pagbabantay sa tindahan. Pumutok na ang liwanag sa labas ng muli akong nagising. Matapos kumain ng Almusal, naghugas ako ng plato at nagwalis-walis, iyon ang aking pinagkaabalahan kapag batong-bato. Sumunod ay pagbabantay naman sa tindahan ang inatupag ko. Ang tumal ng mga bumibili at halos magmistulang daing na ang mata sa kakahintay at upang di lamunin ng pagkabato, naisipang mag-online sa Facebook sa pamamagitan ng Android Phone. Kung kailan naman panay kulwit ako sa Android Phone ay saka naman nagsisidatingan ang mamimili at parating naantala ang aking ginagawa.

5n-c. Hindi ko lamang mapigilang mabanas sa mga batang mamimili, pagkat paisa-isa kung bumili at maya't Maya ang balik, hindi ko naman sila masisi kung parating pabago-bago ang isip at mga bata iyan, kaya mahabang pasensiya ang kailangang pairalin at isa pa, ginusto namin ito kaya di dapat magreklamo. Maski sa panonood ng television ay parating naantala kapag may bumibili at hapong-hapo na ko sa kakalabas-pasok. Buti na lamang at nakauwi na si ina galing palengke kaya tapos na ang obligasyon ko at pwede ng mag-relax. Kinahapunan at gawa na batong-batong manatili sa bahay, naisipan kong magkumpyuter. Ganoon pa rin ang maiingkwentrong sitwasyon at siksik, liglig at umaapaw pa rin ang ligalig.

5n-d. Mga bandang Alas-tres ng matapos ako sa pagkukumpyuter at panonood ng television ang sunod na inatupag. Ang ingay ng nagbibidyokeng kapit-bahay, ang lakas pa man din kung magpatugtog kaya rinding-rindi kami at di ko madinig ang pinapanood. Ang ganda pa naman ng pelikula na aking sinusubaybayan at nakakatuwa pa, pinagtiyagaan ko na lamang ang naturang sitwasyon at ipinagpatuloy ang panonood sa kabila na maingay ang kapaligiran. Sumapit na ang gabi pero dinig pa rin ang malakas nilang tugtog at halos mayanig na ang buong bahay. Kapag di ako makapagtimpi, di ako magdadalawang isip na pagsabihan sila. Bahagya naman nilang hininaan ng may nagreklamo na, kaso malakas pa rin at nilalakasan kapag tumatagal.

5n-e.  Gawa na di ko na marinig ang pinapanood, pinatay ko na. Bago magbantay sa tindahan ay nilamnam muna ang kumakalam na sikmura. Maya-maya'y nagbantay na ko sa tindahan at numero uno pa rin sa bentahan ang sigarilyo. Habang lumalalim ang gabi ang unti-unting pagdami ng mga nagsusugal at kasabay niyon ang papasidhing ingay sa kapaligirang likha nila. Hindi naman ako nabato sa pagtitinda dahil Kay Regine at tsikahan kaming dalawa. Dami niyang kwento kaya ang atensyon ko para sa namimili, napupunta na sa kanya subalit naging maayos pa rin naman ang pagtitinda ko. Medyo nahihirapan lamang ako kapag nagkasabay-sabay na. Maya-maya, si Mama na ang nagbantay sa tindahan at gawa na lubhang maingay sa labas, hindi ko magawang matulog ng mahimbing at naisipang manood muna ng Telebisyon bilang pampaantok. May nagsusuway na pero di epektibo at lalo pa ngang lumalala. Ano ba sila't di marunong makiramdam sa mga matutulog na at pansariling kaligayahan lamang ang kanilang iniisip.


06 Anim na araw na lamang, Bago magpalit ang taon.


December 27, 2014
Saturday

Year II-361

5n-f. Sumapit na nga ang malalim na gabi subalit hindi pa rin dinadalaw ng antok at napakaingay talaga ng mga nagsusugal rito. Mga dakong Ala-una ng magpasyang matulog. Tulog na ang lahat sa amin, maliban kay ina na nanatiling dilat ang mata at magdamagang nagbabantay sa tindahan. Napasarap ng husto ang tulog ko at di namalayang ikawalo na pala ng umaga ng magising. Daming alikabok sa sahig at nakakabahing kapag ito’y nalalanghap. Wala naman akong ginagawa at iyon ang pinag-ukulan ko ng panahon. Gatambak din ang hugasin sa lababo at iyon ang sunod Kong inaksyunan, kaso medyo may kahinaan ang tulo ng tubig kaya inabot ako ng siyam-siyam sa paghuhugas.

5n-g. Matapos ang gawaing bahay, paglalaro naman ng Android phone ang aking naging libangan at pampalipas oras na rin habang walang ibang inaatupag. Sa sobrang humaling sa paglalaro, hindi namalayang sumapit na ang tanghaling tapat. Kanina pa kumakalam ang sikmura kung kaya maaga pa sa Alas-kwatro ang pagtungo sa mesa ng maluto ang ulam at sige lamang ako sa paghita ng ulam sa mesa. Sa oras na ito'y naging masaya ang aming pagsasalo pagkat sama-sama at tila ngayong ko pa lamang nararamdaman ang tunay na diwa ng Pasko. Ng malamnan ang sikmura at gawa na naubusan na ng baterya ang selepono, panonood naman ng telebisyon ang aking naging pampalipas oras.

5n-h. Ilang araw pa lamang bago salubungin ang Bagong Taon ay marami-rami na ring nabibiktima ng paputok at patuloy pang tumataas. Bukod sa bilang ng naputukan ay may napaulat rin na tinamaan ng ligaw na bala at nakakabahala ang balitang iyon. Ikaw na habang naglalakad, bigla na lamang sasalpukin ng bala ng walang kamalay-malay at kahit nasa bahay ay di rin ligtas mula sa ligaw na bala sa panahon ngayon at kailangan ay pag-ibayuhin ang pag-iingat upang di mapahamak at maging ligtas at mapanatag ang pagsalubong sa Bagong taon. Sa takot na baka mapabilang sa biktima ng ligaw na bala, buong maghapon lamang akong nanatili sa bahay. Upang hindi mabato, naisipan kong magbantay sa tindahan at tamang nuod muli ng pelikula habang naghihintay ng kostumer at hindi ko maitago ang ngipin sa kakatawa kahit mistulang ginto na sa kadilawan.

5n-i. Maginhawa ang buhay kapag nakaupo lamang at nagbabantay kaso nakaka-stress rin sa oras na may bumibili lalo na kapag sabay-sabay. Maging sa pagsapit ng gabi'y ako pa rin namamahala at kasabay ng pagkagat ng dilim ang pagbubukas muli ng pasugalan. Maingay muli malapit sa aming bahay at sumigla muli ang bentahan ng sigarilyo kaya apat na kaha na ang nauubos ngayong oras pa lamang. Habang lumalalim ang gabi ang unti-unting pagdami ng mga taong nagsusugal at lalo pang sumisigla ang bentahan ng sigarilyo, kung tutuusin ay nalalaman ko na kung anong pangalan ng mga sigarilyo at uri nito dahil sa paulit-ulit na pagbebenta. Ang mga mamimili, batalyunan kung bumili kaya ako'y gulong-gulo at di na magkandaugaga subalit may kagalakan pa rin sa kalooban dahil di matumal ang bentahan.

5n-j. Maya-maya, may isang batang bumili sa amin, bata pa lamang iti pero may kakayahan ng makapangloko at sinabing nagbayad na raw kahit hindi pa. Nagtalo kaming dalawa at panay pa rin ang kaila nito sa akin kaya buwisit na buwisit ng oras na iyon. Nasaksihan iyon ni Mama ang pangyayari at nag-atubiling siya na ang magtinda pagkat niloloko lamang raw. Hindi ko matanggap ang sinabi ni ina at pahiyang-pahiya. Hindi kaayaaya ang tabig ng bibig ng bata at sinabihan ba naman na magsara na raw kami. Kahit badtrip na, di ko na nagawa pang patulan. Tulong-tulong na lamang kami ni Mama sa pagtitinda kahit bagsak na ang mga mata. Hindi ko na makaya pang tiisin ang antok kaya di rin nagtagal at natulog na ko.


05 Limang araw na lamang, bago sumapit ang Bagong Taon.


December 28, 2014
Sunday
Year II-362

5n-k. Apat na araw pa bago magpalit ang taon pero dinig ko na ang tunog na likha ng paputok at sa lakas ay halos mayanig na ang aking kinahihigaan. Akala'y bomba kung pumutok. Malapit na palang sumapit ang Alas-siete at hindi ko na pinatagal pa ang pagbangon. Medyo matamlay at di masumpungan ang makulay na umaga, naisipan kong magpatugtog. Awiting makalangit ang naisipang pakinggan. Ginhawa sa dibdib ang makakamtan kapag nakinig ka ngChristian song at ramdam mo ang presensiya ng panginoon, bukod pa roon ay para kang nasa alapaap. Lalo pa kong ginanahan sa gawaing bahay dahil sa ginhawang naghahari sa dibdib. Ibang-iba talaga ang Diyos sa lahat at di pangkaraniwan, hindi ko akalain na di ako mahahapo kahit nagawang angatin ang mabigat at malapad na katre maging mga sakong nakalagak at pakiramdam ko, makakaya kong gawin ang lahat dahil sa strength na ipinagkaloob sa akin ng panginoon.

5n-l. Ipinagpatuloy ko ang pagpapatugtog ng awiting makalangit habang ginagampanan ang gawaing bahay at nagbibigay ito ng sigla sa dibdib. Maya-maya, biglang dumating si Cathy, inaayang dumalo sa kanilang Sunday mass. Hindi pa naman nakakaramdam ng pagod sa kabila na marami akong ginawa kaya pumayag ako kahit di sa sariling relihiyon magsisimba. Mga dakong ikasampo na ng maisipang magbihis at hindi pa man ako nakakaalis, kita ko na ang mga taong nakapila sa maputing sasakyan at luksang-luksa ang kanilang kasuotan, ngayong araw na pala ang libing ng taong namayapa at kahit di kaano-ano'y muntikan ng mapaluha ng makitang umiiyak ang mga makikipaglibing at ramdam ko kung ano ang pakiramdam ng mawalan ng mahal sa buhay. Natutuwa naman ako sapagkat tapos na ang lamay at di na maingay sa lugar namin dahil sa mga nagsusugal at sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa.

5n-m. Nagsasalita na ang Pastora Anna sa harapan ng ako'y makaalpas. Tungkol sa kung paano natin papasukin sa puso ang panginoon ang kanyang tinalakay at natutuhan ko rin na dapat, gaano man kabigat ang kasalanang nagawa niya sayo, patawarin pa rin ng buong puso at saka ka lamang lubos na mapapatawad ng Panginoon kapag nagawang magpatawad. Hindi ko akalain na kahit gaano ka man kabanal at maraming nagawang kabutihan sa lupa, hindi mo lang napatawad ang iyong kapwa'y diretso ka na agad sa impyerno at sa totoo lamang ay di basta-basta makapunta sa langit at nangangailangan na magpakabuti ka at buong buhay mong igugol ang panahon para sa kanya.

5n-n. Sumunod ay may isang di kilalang dalagita ang nagtungo sa harapan at bago pa man niya ibahagi ang lahat ng kanyang natutuhan at karanasan, nagpakilala muna ito at siya si Sister Jackie, ako at iba pang baguhan lang pala ang di nakakakilala sa kanya. Parang bagyo kung siya'y manalita sa dami ng natatamaan at maski ako'y hagip na hagip pero marami kaming natutunan sa kanya. Tulad na huwag kang maghangad ng labis-labis at makuntento kung anong meron ka at matuto rin magpakumbaba sa kapwa. May punto din naman siya na lahat ng ating pangangailangan, material man o hindi ay kusang ibibigay ng panginoon, unti-unti nga lang at sa takdang panahon, kaso may ilan sa kanyang mga pangaral ang di ako sang-ayon at kung makagsalita, parang halos lahat ng ginagawa natin sa mundo ay di pabor sa paningin ng Panginoon at di kalugod-lugod sa kanya.

5n-o. Sa dami ng kanyang ibinabahagi'y tila di nauubusan ng sasabihin at halos manuyo na ang bibig sa kakadakdak. Malapit ng mag-ikalawa, sa wakas at natapos rin sa pagsasalita si Sister Jackie at makakauwi na rin. Ang tindi ng init sa labas habang kami'y naglalakad at nakakapaso. Habang nasa Computer shop, bigla akong nakaranas ng hilo at balak ko sanang magtungo kila Cathy upang makipagpalitan ng sasabihin kaso'y di ko na itinuloy at baka lumala. Nanatili na lamang sa bahay hanggang gabi at ang tahimik ng kapaligiran na siyang aking ipinagpapasalamat. Napawi naman ang hilo ko sa pagsapit ng gabi at marahil ay sa init lamang ng panahon. Hindi pa ko dinadalaw ng antok at naisipang manood ng pelikulang My Mommy returns. Magkahalong Comedy at drama ang nasubaybayan ko sa pelikula at nakakapukaw ng damdamin sa huling bahagi nito ng isa-isa silang dinalaw ng namayapang ina upang makapagpaalam at may aral akong natutuhan, iyon ay iparamdam natin ang pagmamahal sa magulang at gaano sila kahalaga sa atin habang sila pa'y nabubuhay pagkat di sila napapalitan ng kahit sinuman at natatangi lamang. Pang soap opera ang dating ng Pelikula. Matapos manood, nagpasya ng matulog.


04 Mayroon na lamang apat na araw, bago sumapit ang 2015.


December 29, 2014
Monday

Year II-363

5n-p. Malakas na tugtog na dumadagundong sa dingding ang bumarag sa mahimbing kong tulog, pagkatingin sa bintana, umaga na pala at kailangan ko ng iangat ang sarili. Pagkarinig sa balita at bago pa man matapos ang taon ay may Bagyo nanamang nagbabantang manalasa sa Mindanao. Kung kailan magbabagong taon na, saka pa nagkaroon ng bagyo at huwag sanang maging maulan ang pagsalubong sa Bagong taon at malusaw nawa ang umiiral na bagyo. Kahit may bagyo, nanatiling maaliwalas ang panahon. Sa aking pagbangon, gawaing bahay muli ang inatupag. Ano ba 'to, tila di nauubusan ng alikabok sa sahig at ang dumi-dumi sa loob ng bahay. Araw-araw na lamang ako kung magwalis at ang dami kong nalikom na alikabok.

5n-q. Matapos ang pagwawalis at ng masiguradong malinis na ang sahig, paghuhugas ng plato naman ang sunod kong pinagkaabalahan. Mukhang mapapaaga ang aming tanghalian, pagkat maagang nagluto si Papa ng ulam at kahit breakfast pa lamang ay itinuturing ko ng pananghalian sa dami ng kinain at labis akong nabusog. Maya-maya, dumating na ang ate galing Ilocos at samu't saring pasalubong ang kanyang dala. Sa unang tingin, mukhang masasarap at kakaiba ang produkto ng Ilokano at kahit busog na, sa kagustuhang matikman ang produkyo ay kumain pa rin ako. Lalong-lalo na yung Tinubong na nakasuksok sa loob ng kawayan, masarap at manamisnamis at halos di ko na maawat ang sarili sa paglantak nito. Ang siba ko talagang kumain ngayong araw. Gawa na apaw na ang aking simura'y di ko na nagawa pang mananghalian at nagsiyesta pansamantala. 

5n-r. Diretso kulwit ng Android phone ang napag-interesan ng ako'y magising. Nakakalibot at ang hirap paniwalaan ang mga sinabi ni Angelica Zambrano, hindi akalain na halos isang araw lamang siyang walang malay, tapos nasilayan niya si God at nakausap pa. Bukod pa roon ay dinala siya ng panginoon sa Impyerno at kakilakilabot ang kanyang eksplenasyon. Lahat ng mga sikat na namayapa na gaya nina Michael Jackson at Selena ay napunta sa impyerno at patuloy na pinapahirapan ng mga demonyo at may bata pa nga na nakikiusap sa panginoon na ilabas siya roon subalit walang magawa ang panginoon. Sinabi ng panginoon sa kanya na ginawa niya ang impyerno, di para sa tao kundi sa mga demonyo at sa mga tumalikod sa kanya.

5n-s. Hirap ng kalagayan mo kapag nasa impyerno at panghabang-buhay na kaparusahan ang iyong dadanasin, kaya habang nasa lupa ka at di pa huli ang lahat, matutong magsisi at magpatawad. Marami pang naibahagi si Angelica bukod sa impyerno. Matapos manood ng Angelica Zambrano Testimony, nagbantay akong muli sa tindahan. Habang nagbabantay ay tamang Soundtriplamang ang aking ginawa upang maibsan ang pagkabagot. May balak sanang maglakwatsa, kaso di magawa at mas uunahin ko ang bagay na magbibigay kapakinabangan sa akin kaysa sa sariling kagustuhan upang ikatuwa nila ako. Kinagabihan, panonood naman ng telebisyon ang aking inatupag at labis na ang natamong pinsala mula sa Bagyong Seniang ng mga taga Bisayas at Mindanao at sana'y di na madagdagan pa ang mga lugar na maaring salantahin ng bagyo. Kung kailan malapit ng sumapit ang Bagong taon, saka naman bumagyo. May lakad pa ko bukas kaya maagang natulog.


03 Tatlong araw na lamang at Bagong Taon na.


December 30, 2014
Tuesday 

(Rizal Day)
Year II-364

5n-t. Dakong ikapito na ng umaga dumilat ang dalawa kong mata at nagpasya ng bumangon. Matapos ang gawaing bahay, kaagad na akong naligo at nagbihis pagkat ngayong araw itutuloy ang balak at iyon ay bumisita kila Ate Anne. Hindi ko naman ibig na maudlot ang balakin kung kaya kinailangan ko pang magsinungaling kay ina, mali man itong nagawa ko pero wala akong maisip na paraan. Habang nasa biyahe ay muntikan ng mayamot sa usad pagong na sasakyan at napakatindi na ng trapik na nararanasan lalo na ng dumako kami sa Caloocan. Sa tindi ng trapik ay mga dakong ikasampo na nakarating sa bayan ng Tungko at kahit wala pa sa mismong babaan ay nagpasya ng bumaba. Kahit malayo pa ang terminal patungo sa Muzon ay matiyaga akong naglalakad at habang naglalakad, tumambad agad sa paningin ko ang iba't ibang uri ng mga paputok na itinitinda ng karamihan sa mga Vendor at maging mga Torotot.

5n-u. Halos ikarindi ko na ang tunog ng mga torotot na walang puknat kung hipan upang makahikayat sa mga mamimili at basta Bulacan, diyan matatagpuan ang maraming uri ng mga paputok. Bahagyang kumalam ang sikmura kaya bago ako tumungo sa kanila, kumain muna. Di ko talaga kabisado ang patungo sa kanila kaya ng marating ko ang Muzon, lakas loob akong nagtanong at nagawa ko na ngang ipakita ang litrato ng pinsan ko, makilala lang nila ang tinutukoy ko. Sa wakas at natunton ko na rin ang bahay nila Ate Anne at sa pagpasok, nandoon pala ang Tita Angie. Sa tagal ng panahon na di kami nagkikita, kamustahan kaming dalawa at napakaraming karanasan ang naibahagi sa akin ni Tita Angie tungkol sa pagtatrabaho niya sa ibang bansa at parang gusto kong magtungo roon pagkat maganda raw doon base sa kanya, kaso nga lang daw, dahil malayo ka sa pamilya mo ay di maiiwasang malungkot. Sa kanila na rin ako nananghalian at patuloy ang aming paglalahad niya.

5n-v. Kahit paano, gumanda at umayos naman ang bahay nila Ate Anne at mukhang nakakaahon na sa hirap, sana magtuloy-tuloy pa at nakakaawa na kasi ang kalagayan nila. Mga bandang hapon, panonood ng Video ang aming napaglibangan. Napakaganda ng kwento sa Maleficent at kamangha-mangha, kahit sinumpa niya si Aurora na anak ng kanyang kaaway na si Haring Stefan, nagawa pa rin niya itong mahalin at itinuring na tunay na anak. Kahawig sa kwento ng Sleeping Beauty ang kwento sa Maleficent subalit ang pinagkaiba nga lamang, sa halip na Prince charming ang humalik ay si Maleficent at ganap na nawala ang sumpa.

5n-w. Halos maluha ako sa kwento pagkat kahit siya ang prinsesa ng kaharian na sumasalakay sa kaharian ni Maleficent ay ipinagkaloob pa rin kay Aurora ang kanyang trono at marami kang magagandang aral na kapupulutan. Nanatili pa ko sa kanila hanggang sa naghihingalo na ang liwanag at hinintay ko pang bumalik si Tita Angie upang makapagpaalam. Nang dumating si Tita Angie, saka pa lamang nagpasyang magpaalam sa kanila at sana naging kapatid ko na lamang si Ate Anne pagkat kahit di ito nakapagtapos, mabait ito at masayang kasama. Sobrang trapik talaga at aakalaing di gumagalaw ang 'yong sinasakyan at mukhang aabutin ako ng siyam-siyam sa biyahe. Saka pa lamang bumilis paglagpas ng Tungko at inabot na ko ng gabi sa pag-uwi. Gawa na ako'y pagod na sa haba ng biyahe, kaagad ng natulog.


02 Isang tulog na lamang at sasalubungin na natin ang pagpasok ng Bagong Taon.


December 31, 2014
Wednesday
 
(New Year's Eve) 
Year II-365

5n-x. Huling araw na para sa taong 2014 at bisperas ng Bagong Taon. Kahit maraming hindi magagandang pangyayari ang dumatal sa aking buhay sa taong ito, nagpapasalamat pa rin pagkat nalampasan ko ang lahat ng mga iyon at nakaabot sa ganitong taon, kaya ko naman ito nagawa dahil sa patuloy na paggabay ng panginoon at labis-labis ang pasasalamat ko sa kanya. Bukod pa roon ay nagpapasalamat din ako sa pamilya na walang sawang sinusuportahan ako kahit minsan ay hindi magandang asal ang ipinapakita sa kanila at kumpleto pa rin kami pagkat walang ni isa ang nasawi sa taong ito. Gawa na hindi na naghahari ang antok sa buong pagkatao, madaling araw pa lamang ay bumangon na ko. Ang kapaligiran, napakakalmado at pakiwaring ordinaryong araw lamang subalit asahang maingay mamaya habang lumalalim ang gabi. Sa pagputok ng liwanag, sa halip na magpaputok ay torotot ang ginagamit na pampaingay ng mga tsikiting. Wala na nga akong ibang marinig kundi ang tunog ng mga torotot. Hindi nanaman ako makakagala dahil ako muli ang maasahang magbantay sa tindahan habang abalang-abala si Mama sa paghahanda.

5n-y. Bagong taon, pero heto muli ang ina at sinernunan muli ako, hindi ko batid kung bakit ganoon kainit ang ulo niya ngayon, samantalang nilalambing ko lang naman, inintindi ko na lamang ito, kaso sadya itong mabunganga at maging pagbisita ko kila Ate Anne ay idinawit niya, hindi ko na mapigilan pa ang sariling sagutin siya. Nasira tuloy ang araw ko dahil sa kanya. Nang may bumibili at magtanong, nagugulahimanan ako ng isiwalat sa akin ni Mama ang presyo ng bilihin, paano'y pabago-bago at di malaman kung magkano ba talaga, sa puntong iyon ay muli kaming nagsagutan dahil lamang sa di pagkakaunawaan at nakisali pa ang ate. Kahit hindi maganda ang huling araw ng taon para sa akin dahil sa pangyayaring di inaasahan, umaasa pa rin ako na maayos ang pagpasok ng Bagong Taon. Hindi ko lamang maiwasang magkaroon ng sama ng loob kay ina subalit sinusubukan kong pahupain iyon.

5n-z. Sa halip na Torotot ay pito ang naisipan kong bilhin bilang pampaingay at habang nagbabantay sa tindahan ay wala akong ibang ginawa kundi hipan ang pito, di hamak na maliit pero mas matunog at malakas kaysa sa Torotot. Dahil karamihan sa residente dito sa amin ay abala na sa paghahanda na para sa Media Noche at pagsalubong sa Bagong Taon, hindi naging matumal ang mga bumibili at halos maubos na nga ang mga sangkap na ginagamit sa panghanda. Kinahapunan at gawa na batong-batong manatili sa bahay, nagawa ko ng iwan ang obligasyon sa pagtitinda at naisipang magtungo sa bahay nilaAngelica. Nandiyan naman ang ate ko at bakit hindi siya muna ang magbantay. Wala kaming ibang inatupag kundi kumuha ng litrato, todo effort ako sa pag-post upang di Awkward ang kalalabasan sa litrato. Masyadong abala ang Angelica sa gawaing bahay at maraming inuutos sa kanya, ayaw ko naman makaabala sa kanyang gawain kaya umalis muna at sunod na tumungo sa bahay ni Cathy.

5o-a. Kahit pilit itago ang Cellphone ay wala itong ligtas sa kamay ni Cathy at kung makasunggab, tila kanya at kahit ayaw ng isipan na ipahiram ang Cellphone sa kanya pagkat tampalasan itong gumamit, bilang pakikisama ay hinayaan ko na ito at tamang Selfie kaming dalawa with a Killing smile and Funny Face. Sa dami ng litrato ay halos mapuno na ang Gallery ng Cellphone at makikitang hindi maawat si Cathy sa Selfie. Si Ate Ging naman, abala sa panonood ng Video at parang walang malay sa pangyayari. Pagkabawi ngCellphone, kaagad akong umalis at sa bahay naman nila Aling Gina tumuloy subalit saglit lamang ako at kaagad na umuwi. Sa aking pag-uwi at upang malibang ay ako muli ang nagbantay sa tindahan. Habang papalapit ang gabi, unti-unti ng nagiging maingay ang kapaligiran, samu't sari na ngang tugtog ng kapitbahay ang mauulinig at bukod pa roon, dumarami na rin ang nagpapaputok.

5o-b. Sa pagsapit ng gabi, lalo pang umigting ang ingay sa kapaligiran at kaliwa't kanan na rin ang kasiyahan. Hindi ko nais na ganito ko lamang sasalubungin ang Bagong taon at nakaka-boring, naisapan kong maglakwatsa. Tumungo muli ako sa bahay nina Angelica at nadatnang masaya silang umaawit at pasayaw-sayaw, nakisali ako at halos mamalat na ang boses sa kakabirit, dami ring putahe ang nakahain sa mesa na tila may piyesta. Maya-maya pa, nagkita kami ni Annie at inayang manood ng Party. Hindi pala niya nabanggit na dance party ng mga bata ang aming napuntahan at hindi ko mapigilan ang tumawa pagkat nakakatuwa ang sayaw ng mga bata at dinaig pa ang mga Matcho Dancer, wala silang ginawa kundi kumembot ng nakatihaya at ang saya.

5o-c. Bukod pa roon ay may palaro rin at inudyok ko si Annie na sumali subalit ayaw naman nito at biglang umalis. Pagkagaling sa party ay dumeretso kami sa bahay nila Aling Gina, saktong nagkakarooke na rin sila subalit di na ko nakakanta pa sa dami ng naka-reserve na Song number. Kahit na mahigpit na ipinagbabawal ng ahensiya ang paggamit ng paputok ay hindi pa rin napigilan ang karamihan sa paggamit ng nito at maging ako di maiwasang magpaputok kahit hikain. Karamihan, puro Piccolo ang gamit sa pagpapaputok at halos mayanig ang buong kapaligiran sa lakas nito.

5o-d. Tatlong oras pa bago sumapit ang Bagong taon, wala na kaming ginawa ni Annie kundi ang magpaputok subalit itinigil ko ang magpaputok ng bahagyang maliyo dahil sa nalalanghap na usok. Kahit mga batang wala pa sa sampung taong gulang ang edad, walang takot sa pagsindi ng mga labintador at di iniisip ang disgrasyang maaari nilang kahinatnan. Bahagyang nabawasan ang mga nagpapaputok ng umambon at pansamantala kaming sumilong. Maya-maya at kahit isang oras pa bago sumapit ang hating-gabi ay nagsimula ng lumiwanag ang kalangitan dahil sa mailaw at makulay na Fireworks display at walang tigil na rin ang putukan. Nagpatuloy pa rin kami sa pagpapaputok sa kabila na lumalakas na ang ambon.