Sabado, Nobyembre 30, 2013

11. November 2013 Journal (Day 305-334)


November 01, 2013
Friday
(All Saints Day)
Year I-305

2Y-G. Dahil inabot na ako ng hating-gabi ng makatulog dahil sa kakagawa ng kwento'y tinanghali muli ako ng gising. Ngayon ay araw ang paggunita para sa lahat ng namayapa nating kaanak, kahit di na natin sila kapiling ay naiisip at di pa rin natin sila nakakalimutan na nagpapatunay na patuloy pa rin silang umiiral sa ating buhay kahit wala na sila sa mundong ibabaw, buti pa ang mga patay, saka mo lang naalala ang lahat ng kabutihan at kung gaano siya kahalaga pero kapag buhay ay kung ano-anong di magagandang bagay ang kaagad nating nakikita sa kanya, sa madaling salita'y nanghuhusga kaagad tayo kahit wala tayong basehan, don't judge the book by its cover. Kaya ako o tayong lahat ay gawin na ang sa palagay natin na makakabuti para sa lahat upang sa ganon ay diretso tayo heaven di sa walang katapusang paghihirap sa hell.

2Y-H. Tirik na tirik na ang haring araw sa labas at dinalian ko na sa pagkain ng agahan pagkat dami ko pang gagawin, matapos kumain ay nagpunas ako at naghugas ng plato, simpleng gawain pero malaking bagay na rin upang mas lalo ko pang matutuhan ang gawaing bahay at i-apply pa sa panghinaharap. Nang masiguradong wala ng alikabok ang nakadapo sa mga kagamitan ay naisipan kong magpahinga muna. Maya-maya’y binuksan ko na ang telebisyon. Hindi na mahulugang karayom ang dagsa ng mga taong dumadalaw sa iba't ibang sementeryo at may napapaulat ng nawawala ang mga bata. Kitang-kita talaga ang kapal ng tao sa sementeryo at di alintana ang matinding init na hatid mula sa tirik na tirik na araw.

2Y-I. Matapos manood ay nananghalian kami at dahil kaugalian na namin na magluto ng sinukat tuwing Undas, iyon ang naging panghimagas ko at nanlaki ang sikmura sa kabusugan. Sa halip na matulog ay gumawa muli ako ng panibagong kwentong pag-ibig at sa sobrang abala, nakaligtaan ko ng matulog at di ko namalayang sumapit na pala ang Alas-kwatro, binuksan ko muli ang telebisyon upang manood ng Galema. Ang kaninang pagkainit-init na panahon ay bahagyang kumulimlim at nagbabadya pang umulan, pagkatapos manood ng telebisyon ay naisipan kong tumungo sa Computer shop.

2Y-J. Pagkauwi’y sumapit na pala ang gabi at kaliwa't kanan na ang nagtitirik ng kandila, marami na ring mga paslit ang nagti-Treat or trick at may Halloween party na ring nagaganap. Hindi ko alam kung sino ang may pasimuno ng Trick or Treat at hingian ng hingian ang mga bata ng pera, kami naman itong walang maibigay. Dahil sa dami ng mga bata sa labas ay naging maingay ang gabi. May ilan pa ngang naka-Halloween costume at ang iba ay nakasuot pa ng sungay sa ulo. Dahil walang magawa'y naisipan ng ate na mag-Pinoy Henyo kami at ako naman itong sabik subalit talo naman sa huli. Hindi pa ako makatulog at ipinagpatuloy ang paggawa ng kwento, dakong Alas-dose na ako natulog.


61 | 54 Limang pu't apat na araw na lang bago magpasko.



November 02, 2013
Saturday

Year I-306

2Y-k. Alas-singko pa lamang ay gising na ang diwa ko subalit mga bandang Alas-otso na ako bumangon at kaarawan ng aking kuya, ano kayang ihahanda ni Mama? Dumeretso kaagad ako sa kusina upang mag-almusal at pagkatapos ay naglinis ako sa loob ng bahay. Ang bilis talaga ng panahon at malapit ng matapos ang bakasyong grande, sa halip na ako'y manabik ay kaba sa dibdib ang nadarama ko sapagkat hindi ko alam ang magiging reaksyon ni Ma'am Mina kapag nagkaharap kami, kung makapagsalita pa naman iyon ay talagang sasabunin ka at pati pagkatao mo'y di niya palalagpasin, ang shunga ko naman kasi.

2Y-l. Matapos ang gawaing bahay ay nagtungo muli ako sa computer shop. Dalawang oras rin babad ang aking mata sa computer na halos mangurap na. Dumaan pa ako kila Tita Cleng bago umuwi at nakipagtsikahan, ibinida sa akin ni Tita ang bagong bili nilang Tablet. Buti pa sila pagkat may Tablet na sila at pwede sila mag-access sa Internet anytime. Nainggit tuloy ako at inggit ang nagtulak sa akin kung bakit pinapangarap kong magkaroon rin ng tablet subalit batid kong imposible iyon dahil kapos kami sa pera. Hanggang pangarap muna ako at matatagalan pa bago ako magkaroon ng ganung gadyet. Sa sarap ng aming pag-uusap ay di ko namalayang sumapit na ang tanghali at kinailangan ko ng umuwi. Dahil kaarawan ni Kuya Al ay kalderetang manok ang naging tanghalian ko at may Pansit pa.

2Y-m. Maya-maya'y bahagyang bumuhos ang ulan kaya naman natuldukan ang init na aming nadarama subalit panandalian lamang iyon at muling nagpakita si haring araw, dala ng antok ay nag-siyesta muna ako at Alas-kwatro na ako nagising, dahil isang araw na lamang ang bakasyon ay sinulit ko na ang nalalabing oras sa pamamagitan ng panonood ng telebisyon. Himala at wala yata akong marinig na ingay sa labas kinagabihan kaya napanatag ako at naupo sa labas habang nakikipag-textmate. Maya-maya'y dumating na ang mga barangay tanod, curfew time na pala at dali-dali akong pumasok sa loob ng bahay ko, ipinagpatuloy ang pagte-text at mga madaling-araw na ako natulog.


November 03, 2013
Sunday

Year I-307

2Y-n. Nakakalungkot lamang sapagkat malapit ng magwakas ang mahabang bakasyon at sa loob ng isang linggong bakasyon, parang di sulit para sa akin, bawi na lang sa Christmas break. Gising na ang halos lahat sa pamilya ko at marahil ay ako na lamang ang hinihintay magising. Nag-almusal muna at pagkatapos ay pansamantala akong naupo subalit bigla na lamang ako tinarayan ng Ate at pasigaw akong inutusan na maglinis ng bahay, masyado naman siyang atat at dahil di ko ibig ang naging asal niya, di ko mapigilang magbitiw ng di magagandang pananalita hanggang sa magsagutan kami, di ko pala alam na badtrip siya at may sama ng loob kay Nama kaya ganon na lamang ang timpla niya. Ayaw ko ng lumaki pa ang hidwaan namin kaya ipinagpatuloy ko na lamang ang paglilinis ng bahay.

2Y-o. Sa kadahilanang nakakapa ng mahaba ang buhok at sa takot na maukan bukas ay nagtungo ako sa barbershop subalit dami pang magpapagupit kaya naisipan ko munang magtungo kila Aldrian. Hilig kong gumawa ng kwento at dahil iyon ang kinahihiligan ko'y naisipan kong iyon na lamang ang kuning kurso sa pagtungtong ko sa Kolehiyo pero di ko batid kung anong tawag sa kursong iyon. Nagtanong ako sa kuya ni Aldrian at sinabing Bachelor of arts raw iyon. Sa ngayon ay medyo nalilito pa ako kung anong kurso ang kukunin ko sa kolehiyo at di ako sigurado kung iyon na nga ba ang kukunin sa kolehiyo. Napatagal pa ako sa kanila sapagkat pinag-usapan namin ang tungkol sa mga kursong aming kukunin, maski nga si Aldrian ay wala pang napipisil. Pagbalik sa barbershop, dalawa na lamang ang nakapilang kliyente at kahit matatagalan pa'y nagtiyaga akong naghintay.

2Y-p. Ilang saglit pa'y bumuhos na ang ulan at pagkatapos kong magpagupit ay nagtungo ako sa computer shop. Mga Ala-una na ng hapon ako nakauwi sa bahay at diretso ligo, nang mapreskuhan at masiguradong tuyo na ang buhok ay saka pa lamang ako natulog. Pagkagising at dahil may pasok na kinabukasan, sinulit ko na ang bakasyon sa pamamagitan ng pagbisita sa bahay nina Cathy, nadatnan kong abala sila sa paggawa ng hat at ipinaalam sa akin na lahat raw ng mag-aaral sa Batasan ay gagawa ng hat. Maya-maya’y sinamahan ko si Cathy sa pagbili ng glue stick subalit walang mabili sa tindahan ng crush ko, napalayo pa tuloy kami, may kaibigan ring babae si Cathy at nagpakilalang Melba.

2Y-q. Sa layo ng aming pinagbilihan ay inabot na kami ng gabi at maganda rin palang kaibigan si Melba sapagkat nilibre niya kami ng street foods at panay tsikahan habang naglalakad, dahil nabusog ako sa kinaing street foods ay kakaunti na lamang ang kinain ko sa hapunan. Hindi ako makatulog sa tindi ng kaba na aking nadarama, anu kayang ibabatong salita bukas Ma’am Mina kapag nagkita kami, shunga-shunga ko kasi, wala akong magagawa kundi kaharapin na lamang siya at humingi ng tawad, mabait si God at alam niyang kaya ko iyon lampasan. Goodluck na lamang bukas.


59 | 52 Limang pu't dalawang araw na lamang bago sumapit ang kapaskuhan.



November 04, 2013
Monday

Year I-308

2Y-r. Hindi na ako inaantok pa kaya bumangon na ako subalit pagkatingin sa malaking orasan ay Alas-tres pa lamang pala. Kumain na ako ng almusal at malapit ng mag-ikalima ng umalis ng bahay. Pagkarating sa eskwelahan, di pa pinapapasok ang mga estudyante at sila'y nakapila pa lang kaya naupo muna ako at matiyagang nag-antay, napaaga siguro ang pasok ko. Ilang saglit pa'y sa wakas at pinapasok na kami subalit biglang buhos ang mga estudyante papasok sa sobrang dami at sa Quadrangle kami tumuloy pagkat may flag ceremony. Matapos ang flag ceremony ay diretso pasok na kami sa classroom, hindi pumasok si Ma'am Fabiana kaya muli nanamang maririnig ang samu't saring bibig ng aking kamag-aral.

2Y-s. Tumahimik lang ng dumating si Sir Balbin at itinuro sa amin kung paano ang mag-reformat. Kaba sa dibdib na ang nadarama lalo na't malapit na angMAPEH at ikinakatakot ko ang posibilidad na baka pahiyain ni Ma'am, naku at subukan niya at baka ipa-DepEd ko siya subalit di naman natuloy ang kinakatakot ko, sa katunayan ay nag-lesson lang si Ma'am about specialist at di ako pahalata habang nagsasalita siya. Natapos ang kanyang oras ng hindi ako nasisita tungkol sa naiwala kong original copy ng test paper at may gaganaping commercial kami bukas. Si Jobil ang pinili kong maging ka-partner sa commercial at habang di pa dumarating si Sir Velarde ay nag-usap-usap kami. 

2Y-t. Maya-maya pa'y dumating na si Sir Velarde ay wala siyang ibang pinagawa sa amin kundi pasagutin muli kami sa Batikan. Ipinagpatuloy namin ni Jobil ang pag-uusap. Maya-maya’y recess na at hindi ako kumain pagkat nagtitipid ako. Sa oras naman ng English ay nagturo lamang si Ma'am Miranda tungkol sa paggawa ng hat, ang gaganda ng mga hat na ipinakita niya at sarap kuhaan ng litrato, I think very expensive iyon. Hanggang sa Huwebes na lang ang pasahan ng hat. Sa oras ng Math ay wala nanamang guro kaya muling umingay ang buong silid, sa halip na makipagtsikahan ng wala namang kakwenta kwenta'y gumawa na lang ako ng assignment sa Physics.

2Y-u. Sa oras ng Physics ay itinuro sa amin ni Sir Martin ang tungkol sa speed and velocity, habang nagtuturo'y agaw eksena muli si Manila paper kaya nauwi tuloy sa tawanan. Si Sir Martin talaga kapag nagagalit, hindi nakakatakot at mas lalo pa nga kaming natatawa. Grabe at sobrang kumakalam na ang aking sikmura subalit di pa ako makakauwi sapagkat may praktis pa kami para sa presentation sa AP. Sa Waiting area kami nagtipon-tipon subalit kulang kulang kami kaya di kaagad nakapagsimula ng ensayo. Kahit dama ko na ang matinding gutom ay nanatili pa rin ako sa Waiting area.

2Y-v. Nang hindi na matiis ang gutom ay minabuti ko ng magpaalam sa aming leader, ako lang ang lalaki sa aming kagrupo kaya kahit mahihirapan ay binuhat ko pa rin ang malaking TV props, wala ng masakyan sa terminal ng tricycle na malapit sa amin kaya nagtungo pa ako sa Sandigan bitbit ang malaking props at kahit kumakalam na ang sikmura'y nagpatuloy pa rin ako sa paglalakad. Saka pa lamang ako nakakain pagkauwi at dala ng matinding gutom ay binigla ko ang sarili sa pagkain kaya sakit ng tiyan ang inabot. Dahil may commercial kami sa MAPEH ay nagkumpyuter ako sa labas upang maghanap ng commercial. Sa hirap maghanap ng pupwedeng gayahing commercial ay inabot ako ng dalawang oras sa pagkukumpyuter. Ang bagal pa man din ng internet kaya halos umikot na ang aking mata sa kakahintay. Nang makahanap ay kaagad kong ipinabatid kay Jobil. Kinagabihan ay wala akong ibang inatupag kundi ang magkabisado ng linya sa commercial at pagkatapos ay saka pa lamang nanood ng telebisyon. Maya-maya pa'y kahit ayaw ko pang natulog ay natulog pa rin, maaga pa ang pasok bukas.


November 05, 2013
Tuesday

Year I-309

2Y-w. Hindi ko inagahan ang gising, maghihintay lamang ako ng matagal sa labas ng eskwela at gusto ko pang sulitin ang aking tulog. Naging maulan ang umaga kaya halos muntikan ng mabasa kahit na nakapayong, pagdating sa eskwela'y wala pa si Sir Arnulfo kaya nagkabisado muna ako ng script para sa commercial. Ilang saglit pa'y dumating na si Sir Arnulfo at nagkaroon kami ng activity, buti na lang at may dala akong textbook kaya di na ako nanghiram pa sa ibang seksyon. Maya-maya'y TLE na at itinuro sa amin ni Sir Balbin kung paano ang mag-install ng program. Habang wala pa si Ma'am Mina ay nagpraktis muna kami ni Jobil at naging abala ang halos lahat ng kamag-aral ko sa pagpapapraktis. Kung kailan oras na ng performance ay saka pa umayaw si Jobil, paano naunahan ng hiya at sobra ko siyang ikinabwisit sapagkat pinaghandaan ko na nga ang sasabihin tapos di naman pala matutuloy. Sinayang ni Jobil ang mga panahong nagpakahirap ako.

2Y-x. Mangilan-ngilan lang ang nakapag-perform at ang masama pa, ang lahat ng hindi nakapag-perform ay first batch sa gaganaping theater play. Sayang at napasama pa ako, bwisit kasi itong si Jobil. Si Ma'am Mina na magaling magsalita, sobra niyang tinabla ang lahat ng di nakapag-perform at takot na ang nadarama ko pagkat baka sabunin niya ako tungkol sa katangahan ko pero iba naman pala at ipinagpapasalamat ko iyon sa pagkakaligtas ng pangalan ko sa kahihiyan. Saka lang nakahinga ng maluwag ng umalis si Ma'am Mina at ayos na rin na mapabilang ako sa first batch, hindi ko naman magugustuhan ang magiging kagrupo ko sa susunod na batch, thanks na rin kay Jobil pero di pa siya abswelto sa akin.

2Y-y. Sa oras naman ng Filipino ay nagkaroon lamang ng pangkatang pag-uulat. Parang minsan na lang magturo si Sir Velarde at mas napupunta pa ang oras sa pagsagot ng Batikan at reporting, tinatamad na marahil. Sa oras ng English, iba ang naging guro namin at siya si Ma'am Guevarra, nag-discuss lang siya about poem. Maya-maya’y nagkwento si Ma'am tungkol sa sinapit ng mga Aprikano sa kamay ng Amerikano at sobra namin iyon kinaawaan. Maya-maya pa ay Mathematics time na at wala ulit si Sir Harren. Dahil wala akong maisip gawin ay nilibang ko ang sarili sa pakikipagkwentuhan at si Perfecto ang kakwentuhan ko. Lumipas muli ang ilang sandali'y dumating na si Sir Martin at nagturo. Buti na lamang at may baon akong payong kaya kaagad akong nakalabas kahit umuulan. Sa halip na dumeretso sa bahay ay bumili ako ng street food kina Ellen Joyce.

2Y-z. Napahaba ang aming usapan kaya di ko napansing Ala-una na pala. Kaagad kong binuksan ang telebisyon at saka pa lang lumamon ng tanghalian. Naging maulan sa labas kaya walang masyadong batang makukulit at nag-iingay. Nang tumila ang ulan ay lumabas ako upang bumili ng materials na gagamitin sa paggawa ng hat. Daming tao sa may basketball court at iyon pala'y may nagpapamudmod ng damit ang mga estudyante ng Batasan. Kilala ko ang ilan doon sa hitsura at may mga guro rin. Nagpatuloy ako sa paglalakad upang bumili ng materials.

2z-a. Pagkauwi’y sinimulan ko ng gawin ang hat. Pagkagaling ng Ate mula sa trabahong kanyang inaplayan ay labis akong natuwa pagkat may binili siyang Tablet, may paglilibangan nanaman ako. Dahil nagkulang ako sa materyals ay hindi ko na natapos pang gawin ang hat. Sumapit na ang oras ng hapunan kaya kumain na kami. Pagkatapos ay nanood kami ng telebisyon, may paparating pa lang malakas na bagyo kaya puspusan na ang paghahanda ng mga daraanan ng bagyo kahit sa weekend pa ito tatama. Huwag sanang humagupit ang bagyo, nakakatakot! Pagkatapos manood ng telebisyon, paglalaro ng Tablet ang aking inatupag at ng antukin ay natulog na ako.


November 06, 2013
Wednesday

Year I-310

2z-b. Naging napakalamig ng umaga at medyo inaantok pa rin ang katawang lupa ko subalit sa kadahilanang ayaw ko ng mahuli sa klase'y nilabanan ko ang antok at nagpatuloy sa pag-aalmusal. Pumasok ako bitbit ang malaking props at kahit halos sumakit ang leeg ko sa kakayukod ay pinagtiyagaan ko na lang. Sa di inaasahan pagdating sa eskwela'y doon ako nakaramdam ng hilo at naupo sa isang tabi. Wala kaming guro sa AP. Maya-maya'y TLE na at gaya ng nakaraang araw ay puro lang siya discuss, ni hindi pa nga kami nagkakaroon ng activity. Sa oras naman ng MAPEH, wala ulit guro kaya sinamantala namin ang oras sa pag-uusap tungkol sa gagawing theater play. Maya-maya, biglang ipinabatid ni Bacsal sa amin na magsasama na ang first batch sa second batch kaya laking tuwa namin subalit mangyayari lamang iyon kung may ipapakita kaming commercial jingle.

2z-c. Sa tindi ng hilo ko, hindi na ako nakasali pa sa praktis. Hindi ko man ibig pang magpaklinik dahil baka nagsasawa na sila sa pagmumukha ko, dala ng matinding hilo'y nagtungo pa rin ako. Mukhang suki ako ng clinic at nahiga sa kama. Makalipas ang isang oras at ng hindi na makaramdam ng hilo'y bumalik na ako sa silid. Recess time na pala ng makabalik ako at di gaanong nagkikilos-kilos sa takot na mahilo muli. Si Ma'am Guevarra pa rin ang naging guro namin sa English at nagkaroon kami ng activity, si Noemi ang naging katuwang ko, kaso ako lang ang kumikilos. Ilang saglit pa'y oras na ng Math at itinuro sa amin ni Sir Harren ang tungkol sa exponential form. Sa Physics naman, nagkaroon kami ng surprise quiz at halos mangamote ako sa sobrang hirap ng tanong, nanghula-hula na lamang ako. Nang tseking na, halos mapunit na ang bibig sa pagkagulat ng makakuha pa ako ng mataas, as usual si Leonardo pa rin ang highest at pumapangatlo lang ako. Natapos ang oras ni Sir Martin sa pagpupulbo at dahil may practice pa kami para sa Jingle, di muna ako umuwi at nagtungo muna kami sa bahay ni Noemi.

2z-d. Nang makabihis si Noemi ay saka pa lamang kami nagtungo sa Park subalit dahil may problema sa pamilya si Noemi, hindi na ito sumabay sa amin at susunod na lang raw kapag naayos na. Kami na lang ni Jenny mae ang natira. Kahit masyadong tirik ang araw ay ipinagpatuloy pa rin namin ang pag-eensayo. Mga Alas-dos na ng matapos ang ensayo namin sa jingle at si Jayvie Ann at Jobil ang nakasabay ko sa pag-uwi. Kahit medyo kumakalam na ang sikmura at idagdag pa ang matinding sikat ng araw subalit sa paghihigpit ng sinturon ay naglakad pa rin ako. Habang naglalakad ay saktong nakasalubong ko si Justine at nagkamustahan kami. Sa tabil ng bibig, napatagal ang aming usapan, sarap niya kasing kausap. Pagkauwi sa bahay at dala ng magkasamang uhaw at gutom ay saka pa lamang ako nananghalian.

2z-e. Medyo minamalas nga naman ang lagay pagkat pagkakuha ng inumin sa pridyider ay aksidenteng natapon ang Pancit Miki, nagpulot pa tuloy ako at baka mabungangaan muli ni Mudra kapag nakita. Pagkalamon, halos di na ako makakilos sa sobrang kabusugan at dala ng sobrang nahahapo na, nagsiyesta ako. Saglit lang ang tulog ko at nanood ng telebisyon, medyo nahihilo nanaman ako kaya pahinga muna sa paggawa nghat. Kahit may paparating na napakalakas na bagyo, naging maganda ang panahon sa maghapon. Ang nakakatakot lang isipin, binansagan na ng PAGASA ang bagyo na papangalanang Yolanda kapag nakapasok na sa teritoryo ng Pilipinas bilang supertyphoon dahil sa patuloy nitong paglakas habang ito'y papalapit.

2z-f. Malaking pinsala ang maaring idulot nito kapag nagkataong tumama sa kalupaan kaya naman todo paghahanda at likas na ang mga residente ng Samar at Leyte upang walang mapahamak o masawi sa paghagupit ng Supertyphoon. Sinabi rin ng PAGASA na posible rin maramdaman ang epekto ng bagyo dito sa Kalakhang Maynila. Habang nanonood ng telebisyon, may narinig akong ingay mula sa kapitbahay, may sinesermunan pala't puro mabibigat na salita ang nabibitawan niya. Pagkatapos manood ay nahiga ako sa kama at nakinig ng radyo. Mga Alas-dose na ako natulog.


November 07, 2013
Thursday

Year I-311

2z-g. Sa kadahilanang inabot na ako ng hating-gabi bago matulog, halos tinatamad na akong pumasok sa kaantukan subalit nilabanan ko iyon at nagpatuloy pa rin sa pagkilos. Maaga pa naman kaya nanood muna ako ng balita upang alamin ang huling balita tungkol kay Bagyong Yolanda na nagbabantang manalasa sa Kabisayaan. Naku at lalo pa itong lumakas, mas malakas pa sa Bagyong Rosing at Pablo kung ihahambing. Mga Alas-sais na ako pumasok subalit wala pa si Sir Arnulfo. Maya-maya’y flag ceremony na kaya tumayo kami sa corridor, ang pogi ng katabi ko at ang tangkad pa. Pasimpleng tinitigan ko ang suot niyang ID upang alamin ang pangalan niya subalit sa kaharutan ng kausap niyang babae, di ko natiyempuhang basahin ang ID niya. Tapos ang bango pa niya kaya di nakakapagtakang lapitin siya ng mga chicks, maski ako na sarado ang puso pagdating sa pag-ibig ay siya mismo ang naging susi upang buksan ito.

2z-h. Di ko tinigilan ang pagtitig sa kanya hanggang sa pumasok ito sa silid. Wala ulit si Sir Arnulfo, kaya naman maliligaya muli ang araw ng aking mga kamag-aral. Pulasan ng takbo at balik sa sariling upuan pagkapasok ni Sir Balbin at nagturo. Buti pa si Sir Balbin, bukod sa magaling magturo ay masipag pa, pero ang ibang guro ay mukhang tinatamad ng pumasok at magturi. Sa oras naman ng MAPEH, practice ng Wellness Dance. Kahit alam kong di ako marunong sumayaw, di pa rin akong nahiyang sumayaw kahit nagmumukha ng tanga, bakit sino ba sila para husgahan ako at parang nageehersiso lang kami. Sa oras naman ng Physics, nagrepaso lang kami para sa darating na National Achievement Test.

2z-i. Sa oras naman ng English, naku at ngayon pala ang pasahan ng hat, di ako nakagawa subalit optional lang naman sabi ni Ma'am Miranda. Maya-maya’y Mathematics time na at nagturo lamang si Sir Harren, pagkatapos ay nagkaroon kami ng activity at sisiw lamang iyon sa akin. Sa oras muli ng Physics, nagtsek lamang kami ng Test paper at ang tatamlay ng nakukuha ko. Ang tulin talaga ng takbo ng oras at uwian na nanaman. Pagdating sa bahay, kaagad kong binuksan ang telebisyon upang panoorin ang hearing ni Napoles. Tumagal ang pagdinig ng anim na oras subalit ni isang senator ay nabigong pakantahin si Napoles kahit si Santiago pa na lubhang napakatapang. Kinagabihan naman, lalo pang lumakas ang Bagyo at inaasahang magla-landfall na ito sa lupa bukas ng umaga.

2z-j. Maraming lugar na rin sa Kabisayaan ang isinailalim sa Signal Number 4 ng bagyo at itinuturing na raw na pinakamalakas na bagyo si Yolanda di lamang sa Pilipinas maging sa buong mundo ngayong taon, kaya naman habang di pa humahagupit ang bagyo ay puspusan na ang kanilang paghahanda, may ilan na nag-alay na ng panalangin upang maprotektahan sila sa kapahamakan at habang may pag-asa pa'y lumihis pa sana ang bagyo. Kahit nakataas lamang ang Metro Manila sa Signal Number 1, marami ng lokal na pamahalaan ang nagsuspinde ng klase para bukas upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante. Wala nanamang pasok bukas at may time nanaman upang gawin ko ang mga naisin ko. Malas nga lang sapagkat dito sa Pilipinas tatama ang pinakamalakas na bagyo sa buong Mundo.


November 08, 2013
Friday

Year I-312

2z-k. Dahil sa paparating na malakas na bagyo at bilang paghahanda na rin kahit di direktang tatamaan ang Kalakhang Maynila ay sinuspinde pa rin ang klase, kaya naman lumawig pa lalo ang oras ko sa pagtulog at mga ikapito na ng umaga ako nagising. Kaagad kong binuksan ang telebisyon upang manood tungkol sa bagyo. Nag-landfall na pala sa kalupaan ang Bagyong Yolanda sa Samar at kitang kita ng dalawa kong mata kahit di kalinawan ang bagsik ng bagyo. Mga punong halos mabuwal na sa sobrang lakas ng hangin at halos mag-zero visibility na ang kapaligiran sa lakas ng ulan na kung saan-saang direksyon iwinawasiwas ng hangin. Itong si Atom Araullo, kahit binabayo na ng malakas na hangin at ulan ay di pa rin siya nagpatinag at nagpatuloy pa rin sa pag-uulat.

2z-l. Lumipas ang ilang sandali'y biglang tumaas ang tubig baha di dahil sa ulan kundi sa nangyayaring storm surge na kagagawan ng bagyo, grabe at napakatindi na ng sitwasyon sa kanila at hindi lang basta delubyo kundi napakalaking delubyo. Nakataas na sa Signal Number 2 ang Kalakhang Maynila subalit mga pag-ulan pa lamang ang nararanasan hanggang ngayon. Sinabi ng PAGASA na sa laki ng sirkulasyon ng bagyo ay maari nitong mahagip ang Kamaynilaan na siyang magbibigay ng pag-ulan subalit sa dakong hapon pa iyon mararanasan, kung ganon man katindi ang nararanasan ng taga-Samarat Leyte ay huwag sanang mangyari dito. Matapos manood ng telebisyon ay nag-almusal ako at siyempre di mawawala sa pang-araw-araw ang gawaing bahay. Naglaro kaagad sa Tablet pagkatapos ng household chores at iyon ang naging libangan ko.

2z-m. Maya-maya pa'y oras na upang kumain, itinigil ko muna ang paglalaro sa Tablet at kumain ng sa gano'y di magkasakit kapag nalipasan ng gutom. Pagkatapos ay binuksan ko muli ang telebisyon, maraming lugar na sa Kabisayaan ang lubhang hinahagupit ni Yolanda at halos magkandawasak wasak na ang ari-arian sa tindi ng paghambalos ng bagyo. May mga bubungan na matutuklap na sa lakas ng hangin, mga puno na kahit narra'y nakayang patumbahin ng hangin at halos di na makita ang kapaligiran sa lakas ng ulan, ganun na kabagsik ang bagyo na sobrang ikinababahala namin sa paglapit ng hapon. May isa pa ngang babae na nakasampa na lang sa may bintana upang di anurin ng baha doon sa Tacloban at sana'y makaligtas siya. Kahit na humahagupit na ang bagyo, patuloy pa rin ang pagdarasal ng Pilipino ng sa ganon ay walang masawi sa unos.

2z-n. Matapos manood ay natulog ako. Mga Alas-tres na ako nagising, naging maaliwalas ang panahon sa labas at mukhang di na mananalasa ang bagyo. Lumipas ang hapon na mga panakanakang pag-ulan lamang ang aming naranasan, na siyang ipinagpapasalamat namin. Naging maulan ang gabi at bago matulog ay naglaro muna ako ng Tablet. Habang abala sa paglalaro'y may narinig akong may nagsisigawan sa labas. Nakiusyoso kami at away pamilya pala iyon nagaganap na kahit umuulan ay sa labas sila nagpalitan ng lakas. Tumagal pa ng ilang oras bago humupa ang sagupaan at sa wakas ay natahimik rin kami. Grabe sila mag-away at halos patayin na ang isa't isa. Matapos maglaro ng Tablet ay natulog na ako.


54 | 47 Apat na pu't pitong araw na lang bago magpasko at sa mga lugar na matinding hinagupit ng bagyo, maging daan sa kanila ang pagiging matatag upang makabangon muli, yun lang.



November 09, 2013
Saturday

Year I-313

2z-o. Kakatapos lang humagupit ang pinakamalakas na bagyo sa buong Universe at may balak ng lumayas sa teritoryo ng Pilipinas mamayang tanghali, naku Yolanda bilisan mo na sa pag-alis at huwag na sanang humagupit ang mga bagyong kasing lakas mo. Pasalamat kami sa maykapal sapagkat di nangyari sa amin ang nangyari sa kanila at mapalad pa rin kami kahit mahirap ang buhay. Nagpakita na ang haring araw kaya naman magandang pagkakataon upang magpatuyo ng sinampay kaso parang rumeresbak muli si Yolanda sapagkat ngayon pa lang nararanasan ang malakas na hangin. Dahil mahangin sa labas, nagkalat ang mga dahon kaya naman nadagdagan ang gawain ko. Matapos magwalis at dahil kakabato kapag walang magawa, nilibang ko ang sarili sa paglalaro ng Tablet.

2z-p. Nang maubusan ng baterya, panonood ng telebisyon ang sunod kong inatupag. Halos mabura na sa mapa ang lungsod ng Tacloban sa tindi ng pinsalang idinulot ng bagyo. Mga kabahayang nagkasira-sira at maraming mga sanga-sanga ang nakahambalang sa daan. Kalunos-lunos talaga ang sinapit nila at matatagalan pa marahil bago sila makabangon kaya naman kapit-bisig ang mga kakabayan natin sa pag-iimpake ng relief goods para ipamahagi sa mga nasalanta ng matinding kalamidad. Marami ring mga komunikasyon at transportasyon ang labis ring naapektuhan ng paghagupit ng bagyo at di pa iyon naibabalik. Sa kasawiang palad, gaano man kahanda ang mga resindenteng daraanan ng bagyo kung napakalakas naman nito'y may nasawi pa rin at umaabot na sa isang daan.

2z-q. Nakakainis sapagkat palagi ko na lang inikot ang antenna upang gumanda ang reception, mahangin kasi sa labas at maya-maya'y bahagyang umulan. Balik ako sa paglalaro ng Tablet pagkatapos manood ng telebisyon at iyon ang inatupag ko sa maghapon. Nakapag-internet rin ako ng libre dahil sa Wi-fi. Kinagabihan at sa kadahilanang mainit sa loob ng bahay, nagpahangin muna ako sa labas at doon na nagpalipas ng gabi. Kay gandang tingnan sa kalawakan ang mga nangniningningang bituin at bilugan rin ang buwan, matindi man ang pagsubok na pinagdaraanan ng ating bansa, basta Pinoy ay hindi marunong sumuko at di magsasawang tumulong na parang katulad ng mga bituin na wala ring sawang nakaantabay sa atin. Bukas na rin ang kuhaan ngcard kaya naman magkahalong kaba at pananabik ang nararamdaman ko, ilan kaya ang nakuha ko sa bawat asignatura at wala na sana akong tagilid na grade, kaba ang nanaig sa dibdib ko na siyang dahilan kung bakit hirap ako sa pagtulog.


November 10, 2013
Sunday

Year I-314

2z-r. Sa kasarapang matulog, inabot na ako ng Alas-otso ng umaga ng magising at dahil di makatulog kagabi'y umidlip pa ako subalit kinailangan ko ng bumangon. Ngayong araw rin ang kuhaan ng card at sana sa pagkuha ni Mama'y masiyahan siya sa mga grado ko. Hindi ako nakasisigurado kung matataas ba ang nakuha ko at habang lumalapit ang oras kung kailan masisilayan ko na ang resulta ng aking pag-aaral ay lalo pang lumalakas ang kaba sa dibdib, subalit nawala lang ang kaba ko ng umuwi si Mama na di dala ang report card ko, winika niya na di nadatnan ang mga kaklase ko pati adviser at naghintay lamang siya sa wala. Masaya ako pagkat di ko makikita ang grado ko, malakas kasi kutob ko na baka mababa. Kakatapos ko lang mag-agahan at sobrang nabusog ako kaya naman energetic ako sa gawaing bahay at tinatrabaho ko ng maayos. Matapos ang gawaing bahay, naisipan kong maglaba.

2z-s. Naging napakaaliwalas ng panahon kaya magandang pagkakataon upang makapagpatuyo ng sinampay. Saglit akong nagpahinga at maya-maya'y nanood ako ng telebisyon. Wala pa ring pagbabago sa mga lugar na hinagupit ng Bagyo at labis na silang nagdurusa sa matinding gutom kaya naman talamak na sa Tacloban ang looting ng mga pagkain sapagkat disperado na sila. Pati mga gadgets, hindi nakaligtas sa mapang-umit na kamay. Sa halip na kaawaan sila, konting inis ang naramdaman ko sapagkat di dapat nila iyon ginagawa, ayos lang kung pangangailangan ang nakawin nila, pero mga gadget, refrigerator at iba pang kagamitang nagpapasaya sa buhay, wala na iyon sa katwiran. Marami-rami na rin ang namatay mula sa paghagupit ng bagyo at karamihan ay puro sa Leyte at Samar. Kinahapunan, gusto ko sanang lumabas subalit sa takot na umitim dahil sa matinding tirik ng araw, nanatili na lamang ako sa bahay at naglaro muli ng Tablet.

2z-t. Habang abala sa paglalaro, pinakiusapan ako ng ate na samahan ko siya sa computer shop upang magpa-photocopy, ayaw ko sanang lumabas at bilang pakikisama sa kanya, napilitan akong samahan siya. Habang nasa lakad, pinag-usapan namin ang tungkol sa kursong kukunin ko. Sa panahon ngayon ay nahihirapan pa ako pumili kung ano talagang kursong kukunin ko, mahirap magdesisyon kung sa palagay ko'y pagsisihan ko sa huli at hindi makapapayag na mangyari iyon. Sa ngayon, wala pa akong napipisil subalit hindi magtatapos ang taon na ito hangga't wala akong napipiling kurso, malapit na akong tumungtong sa kolehiyo at dapat ay may napili ng kurso. Pagdating sa bahay, hapunan na pala kaya tsibugan time na upang malamnan ang aking sikmura. Matapos tsumibog ay nuod muli ng telebisyon. Mga Alas-nuebe na ako natulog at sana sa lahat ng nasalanta ng Bagyong Yolanda, tibayan at lakasan nila ang loob upang malampasan ang lahat ng iyon.


November 11, 2013

Monday
Year I-315

2z-u. Magandang umaga para sa akin na bagong gising lang kahit na puro pasakit at pagsubok ang nangyayari sa Pilipinas, basta tuloy ang buhay tungo sa magandang kinabukasan. Maliwanag na sa himpapawid ng makaalis ako ng bahay at kasabay ko muli si Regine (Cebrero), medyo bwinebwenas nga ako sapagkat sumakay kami sa motor, nakalibre tuloy sa pamasahe at sa bilis magmaneho ni Manong ay kaagad kaming nakarating sa eskwela. Nanatili muna kami sa labas ng eskwela sapagkat may flag ceremony pa, pagkarating sa silid kahit Alas-sais na'y nabibilang pa rin ang mga kamag-aral ko at mukhang marami ang liliban sa klase. Nakakainis lang sapagkat wala nanaman kaming guro, wala tuloy kaming matutuhan at sana sa susunod na asignatura'y may guro na. Sa wakas at may guro na rin, katulad ng nakaraang araw ay nagturo si Sir Balbin about Partition magic at pagkatapos ay komopya kami nglecture.

2z-v. Sa oras naman ng MAPEH, nagtungo kami sa Quadrangle sapagkat maypractice muli sa Wellness Dance, tatlong buwan na kaming nag-eensayo ng Wellness at hanggang ngayon ay di pa rin kami napipili ng Nestle Corporation. Nang by section na ang sumasayaw, palihim akong naupo kasama ang ibang section na nakaupo rin at pinagmasdan ang mga kamag-aral ko. Karamihan sa kanila, talagang hirap makuha ang step at nabibilang lamang ang marurunong sumayaw. Matapos ang Wellness, iyan nanaman si Cynt at ibinida muli ang katawan, tagaktak naman ng pawis. Wala muling guro sa oras ng Filipino kaya mistulang palengke muli ang silid. Hindi ko talaga hilig magkwento sa aking kapwa lalo na't walang kakwenta-kwenta kaya ako lang siguro ang behave sa kanila.

2z-w. Maya-maya’y oras na ng recess subalit di ako kumain, tipid tipid rin kapag may time. Ngayong araw rin ang parada para sa hat. Iba’t ibang palamuti ang makikita sa hat at talagang napakatalino at malikhain ang gumawa nun, may ilan na simple lang subalit lumilitaw pa rin ang ganda. Naiinggit ako sapagkat hindi ako nakagawa ng hat, tuloy ay wala akong maipresinta. Siyempre kapag may okasyon, di mawawala ang Selfie. Lumipas ang ilang sandali'y Math time na subalit wala muli si Sir Harren kaya naman party-party muli ang aking kamag-aral, dahil wala namang magawa, nilibang ko ang sarili sa pagsusulat ng lettering. Maya-maya’y biglang dumating si Sir Harren subalit saglit lamang siya sapagkat time na.

2z-x. Nagrepaso lamang kami sa oras ng Physics. Sa wakas at uwian na, our favorite subject. Pagdating sa bahay ay kaagad kong binuksan ang telebisyon. Ang mga lugar na isolated dahil sa bagyo, ngayon pa lamang napapasok at kitang kita ang lawak ng pinsala, magmula sa mga kabahayan hanggang sa impraistraktura at agrikultura. Matapos manood ng telebisyon, natulog ako at Alas-kwatro na nagising. Bago maadik sa paglalaro ng Tablet, ginawa ko muna ang takdang-aralin. Ng matapos ay saka pa lamang nangiming maglaro ng Tablet. Kinagabihan at dala na hindi pa dinadalaw ng antok, naisipan ko pang lumikha ng kwento. Alas-onse y medya na ako nahiga sa kama subalit di makatulog sapagkat maraming lamok, hindi tuloy naging kasarapan ang tulog ko dahil sa mga pesteng lamok na iyan.


November 12, 2013
Tuesday

Year I-316

2z-y. Sumapit nanaman ang umaga, hudyat ng pagsisimula ng panibagong buhay para sa araw na ito, hindi man magaganda ang nangyayari sa panahon ngayon, tuloy pa rin ang buhay at di bibitaw kahit anuman ang mangyari. Medyo inaantok pa ang lagay subalit kailangan ko nanamang gumising at bumangon ng umaga, ganun talaga kapag nag-aaral ka at apat na buwan na lamang ang bubunuin bago ako magtapos kaya dapat ay magpursigi na ako sa pag-aaral upang hindi mahirap sa akin ang magtapos at may marating sa buhay. Kahit mababa ang temperatura'y lakas loob pa rin akong naligo at tiniis ang ginaw, malapit ng sumapit ang ikanim ng umalis subalit di pa pinapapasok ang mga estudyante pagdating sa eskwelahan kaya naman siksikan na sa labas.

2z-z. Ilang saglit pa'y binuksan na ang gate at talagang dagsaan ang mga estudyante papasok. Pagpasok sa silid, hindi naiiba ang araw ngayon sa nagdaang mga araw pagkat saksakan sa ingay ang buong silid, puro love life at textmate lang naman ang pinag-uusapan nila hindi tungkol sa pag-aaral, hindi inggit sa lovelife ang dahilan kung bakit di ako mahilig makipag-usap, hindi lang kasi ako interesado sa topic nila. Lalo na si Jobil na halos di maabusan ng sasabihin, sweetheart lang naman niya ang bukambibig. Kung sa bagay ay di ko sila masisi pagkat normal lang sa teenager na kagaya ko ang umibig sa iba subalit may limitasyon rin iyon at edukasyon ang unahin bago pakikipaglandihan. Natigil lang ang usapang lovelife nang dumating ang baklang si Sir Arnulfo, si Sir Arnulfo kaya, may asawa na ba? Siguro pero baka boy?

3a-a. Itinuro niya sa amin ang tungkol sa mga modelo ng ekonomiya. Sa oras naman ng TLE, partition magic pa rin ang itinuro sa amin ni Sir Balbin. Sa oras naman ng MAPEH, bago magtalakay si Ma'am Mina ay kumopya muna kami ng lecture. Pagkatapos ay sinimulan na ni Ma'am Mina ang pagtalakay, maya-maya'y parang ayaw na namin kumain sa canteen dahil sa mga kwinento ni Ma'am, may ilang kantina raw na walang kalinisan sa paghahain ng snacks, nakakadiri. Ilang saglit pa'y Filipino na at katulad ng mga lumipas na araw na nagkikita kami ni Sir Velarde'y hindi siya nagturo kundi pinasagutan lang kami sa Batikan. Sa halip na maging abala sa pagsagot ang aking kamag-aral ay muli silang dumaldal. Itong si Poliquit, kanina pa ako dinudusta subalit di ko siya inaalintana at kapag naubos ang pasensiya ko, makikita niya ang hinahanap niya.

3a-b. Sadya ngang wala siyang magawa at ipinagpatuloy ang pangti-trip sa akin lalo na nung recess na at naghanap pa siya ng kickback, tuloy ay pinagtulungan nila akong tuksuhin, hindi ko alam kung bakit nila ako ginaganito at sa bwisit ko, ipinakita ko ang angas ko at sindak silang lahat maliban kay Poliquit. Kahit sabihin nilang asar talo ako, wala akong time makipag-asaran sa kanila at sinasabi ko, kapag lalo pa akong na-badtrip, hindi ako magdadalawang isip na ipasipa sila at may kakayahan akong gawin iyon dahil biktima ako. Sumuko rin si Poliquit sa panunukso sa akin kaya ligtas siya sa parusa at di na ako nagsumbong pa. Lumipas ang dalawang asignatura na walang guro kaya naman dalawang oras na nag-ensayo ang aking kamag-aral ng theater play.

3a-c. Hindi rin pumasok si Sir Martin sapagkat may sakit raw ito subalit may pinakopyang lecture sa amin si Mandy. Nang tumunog ang kampana at kahit di pa uwian ng Fourth year ay sumabay na ako sa Grade 7. Dahil di ako kumain at dala na rin ng matinding gutom, hindi na ako nakatiis pa at bumili na ng street foods kina Ellen Joyce. Buti pa si Ellen Joyce, sa lahat ng kwinikwento ko sa kanya'y nakikinig talaga siya kaya naman napahaba ang usapan namin. Dahil napasarap ng kwentuhan, Ala-una na ako nakauwi sa bahay. Inuntian ko lamang ang kain sa takot na maempatso at pagkatapos ay natulog. Sa sarap ng tulog ay Alas-singko na ako nagising at nanood muli ng telebisyon, medyo sinisipon na ako at masama pa ang pakiramdam kaya maaga akong natulog.


November 13, 2013
Wednesday

Year I-317

3a-d. Si Mama na ang gumising sa akin at pagkatingin sa telepono'y sumapit na pala ang ikaapat ng umaga subalit di ako bumangon sapagkat tinatamad akong pumasok, idinahilan ko na lang kay Mama na masakit ang ulo ko upang hindi niya ako pilitin. Paano ako gaganahang pumasok kung ang tatamad naman pumasok ng mga guro namin at kung papasok man, wala naman ibang ipapagawa kundi magpasagot sa aklat at hinahayaan na lang ang mga kamag-aral ko na mag-ingay, isa pa sa dahilan kung bakit ayaw ko pang pumasok ay niloloko ako ng ilan kong kamag-aral at inaasar, wala naman akong ginagawa sa kanila o kasalanan subalit sinasabi ko na hindi ako aayaw sa pag-aaral kahit may kumukutya sa akin at kaya kong ipagtanggol ang sarili laban sa mga taong mapanghamak at mapang-api sa kapwa, hindi muna sa ngayon sapagkat hindi pa ako handa na kaharapin sila at wala pang lakas.

3a-e. Naku yang mga bwisit kong kamag-aral, isa pang pangdudusta nila sa akin ay tiyak na may kalalagyan sila. Ipinagpatuloy ko ang pagtulog at dakong Alas-otso na ako nagising, lumiban nanaman ako sa klase at mukhang marami na akong absent. Pagkaagaha’y paghuhugas ng plato ang aking inatupag at pagkatapos ay nagwalis.  Mukhang nagdadalamhati ang panahon sapagkat makulimlim at nagbabadya pang umulan. Maya-maya'y bumuhos na nga ang ulan. Pagkatapos magwalis, pagguhit ng school building plan sa Oslo paper ang sunod kong inatupag, hindi ko batid kung pagiging Ihinyero na lang ang kukunin ko, naguguluhan pa ako at di pa buo ang mga desisyon ko. 

3a-f. Kung ano na lang siguro ang hilig at karanasan ko'y iyon ang ibabase upang mapag-isipan ang kursong kukunin ko. Teacher sana sapagkat naranasan ko ng magturo subalit ang ikinakatakot ko, baka hindi iyon angkop sa kalagayan ng katawan ko at makakuha pa ng sakit, Engineering minsan ang naiisip ko, minsan Hotel Room Management, minsan Pastry Chef at minsan ay Journalism sapagkat hilig ko rin gumawa ng kwento. Halos lahat sila'y nagtatalo sa isipan ko kaya nahihirapan ako at di makapagdesisyon ng maayos. Naku sa next year ay college na ako at bago magtapos ang taon ay kailangang may napili na ako, actually alam ko na kung anong eskwelahan ang posible kong pasukan, sa kurso lang talaga ako nagkakaproblema. Maya-maya’y ipinagpahinga ko muna ang utak sa pag-iisip at nag-relax sa pamamagitan ng panonood ng telebisyon.  

3a-g. Ang bagsik talaga ni Yolanda, lahat ng mga tahanan at establishemento, parang tublerong napulbos at walang natira. Swerte ang Manilenyo sapagkat di natin iyon sinapit. Patuloy pa rin ang pagtulong ng mga kakabayan natin maging ang mga ibang bansa sa mga nasalanta ng bagyo. Hayaan natin at lilipas rin iyang pagsubok basta kapit-bisig nating kaharapin ito, walang iwanan. Matapos manood ng telebisyon ay saka pa lamang ako kumain. Dahil pabagsak na ang mata sa kaantukan, muli akong natulog at ikaapat ng hapon nagising. Habang may libreng oras at walang magawa, naglaro ako ng Tablet at nag-access sa Internet, YoutubeGoogle and Facebook rin kapag may time. Nang maubusan ng baterya, panonood ng telebisyon ang sunod kong naging libangan at sarap buhay talaga ako. Bukas kakaharapin ko nanaman ang mga pabigat at pasakit sa buhay ko kaya sinusulit ko na ang kaligayahan ko, minsan lang ito. Sa kadahilanang maaga pa ako magigising at di ko papangaraping pang lumiban, kaagad na akong natulog. Goodluck to me tomorrow. May kalalagyan din ang mga taong mahilig manghamak ng kapwa.


November 14, 2013
Thursday

Year I-318

3a-h. Medyo tinatamad pang bumangon at sarap pang humilata ng lagay subalit sayang ang baon kapag di nanaman ako pumasok kaya lakas loob kong nilabanan ang katamaran, Huwebes na at weekend na sa ikalawa kaya tiisin ko na lang kung anong ugaling mayroon ang kaklase ko. Alam kong dapat ko na lang sakyan ang mga sinasabi nila subalit ang sa akin lang, malalaki na kami at di na bata upang magtuksuhan pa sa isa't isa, nahihiya na tuloy akong pumasok sapagkat baka isipin nila, ako ang pinakamalaki pero batang isip pa subalit ano pa nga bang gagawin kundi pakitunguhan sila sapagkat sila rin naman makakasama ko hanggang sa magtapos kami, wala naman akong kapangyarihan na paalisin sila unless na sumosobra na sila at nakakaperwisyo na, di lang sa akin maging sa paaralan. Siguro ay di ko na lang dapat sila intindihin. Pagdating sa eskwela, laking pasalamat ko pagkat wala si Poliquit pati ang mga katropa niya kaya better day ako ngayon.

3a-I. Nagturo lamang si Sir Arnulfo tungkol muli sa modelo ng ekonomiya, panay hawi ng pamaypay sa katawan habang nagtuturo kahit naka-electric fan na nga at iyan lagi ang napapansin ko sa kanya. Sa oras naman ng TLE ay Microsoft office ang itinuro sa amin ni Sir Balbin, mukhang gusto ko ang lesson sa TLE. Sa oras naman ng MAPEH, may lesson na tinalakay si Ma'am Mina naconnected sa Math at iyon ay single elimination subalit it’s hard to me to get that. Bago magtapos ang oras ni Ma'am, naintindihan ko naman at may mahalagang inanunsyo siya sa amin. Hindi na pala nakuha ang eskwelahan namin bilang kinatawan ng Wellness dance sa ikalawang distrito at labis silang nanghinayang subalit lahat ng kaliwa ang paa na kagaya ko, nagbubunyi sapagkat di na kami makikitang sasayaw.

3a-j. Sa oras naman ng Physics ay nagkaroon kami ng pangkatang aktibidad at iyon ay drop the battle to the ground, ang saya ng activity namin dahil laging sablay ang paghagis ng bote papunta sa ikatlong palapag at di masalo-salo, halos naging play ground na tuloy ang school ground at ang dami kong tawa sa pinaggagawa ng kagrupo ko. Maya-maya’y recess na subalit di ko nilamnan ang sikmura. Sa oras naman ng English, student teacher ni Ma'am Miranda ang nagturo sa amin na nagpakilalang MsPascual. Sa oras naman ng Mathematics, inanunsyo sa amin ni sir ang bagong project sa Math subalit sa January pa ang pasahan at pagkatapos ay nagturo ito. Sa oras ng Physics ay nagrepaso muli kami para sa nalalapit na NAT. Maya-maya'y masaya nanaman ako pati mga kamag-aral ko sapagkat uwian na, lumipas rin ang isang araw na nakaya kong makipagsabayan sa kanila kahit nahihirapan na ako, bukas muli.

3a-k. Bago umuwi sa bahay, siyempre nakipagkwentuhan muna ako kay Ellen Joyce na abala sa pagtitinda ng street foods kaya late na ako nakauwi ng bahay. Medyo nakakaramdam na rin ng antok kaya natulog muna ako at kagaya ng dati'y kaparehong oras pa rin ako nagising, ang ganda ng napanaginipan ko at sana ay maulit pa iyon, what a wonderful dream to me. Kahit bagong gising lamang at wala namang takdang-aralin na nakaatang ay nanood muli ako ng Galema. Patay uli ng telebisyon at makalipas ang dalawang oras, bukas muli ng telebisyon para manood ng AnnalizaTV PatrolHonesto at Got to believe, mga paboritong programang sinusubaybayan ko gabi-gabi at iyon na ang naging hobbies. Matapos manood ng telebisyon ay siyempre, kaagad na akong natulog.


48 | 41 Apat na pu't isang araw na lang bago sumapit ang Kapaskuhan.



November 15, 2013
Friday

Year I-319

3a-l. Thank God again because its friday, sabik na sabik na ako sapagkat Sabado na bukas at siyempre may time ako upang gawin ang lahat ng gusto kong gawin. Pagdating sa eskwelahan, flag ceremony pala kaya di kaagad kami dumeretso sa Classroom. Pagkatungo sa silid ay nandoon na si Sir Arnulfo at nagturo, pagkatapos ng lesson ay nagkaroon kami ng maikling pagsusulit, sa bait ni sir ay binigyan niya kami ng ilang minuto upang makapagrepaso at pagkatapos ay inumpisahan na ang maikling pagsusulit. Nang tseking ay masaya ako sapagkat mataas ang nakuha ko. Sa oras naman ng Values ay inanunsyo sa amin ni Ma'am Fabiana ang hinggil sa magiging proyekto namin para sa ikatlong markahan at iyon ay paglalapat ng kulay sa figurine ng Angel, dahil mahabaging damdamin si Ma'am ay hinayaan niya kaming mangutang ng figurine, pagkatapos may Ugaling Filipino pa subalit pwede rin umutang, ang bait talaga ni Ma'am at sana'y pagpalain siya ng maykapal.

3a-m. Maya-maya’y nagkaroon kami ng aktibidad at dahil walang papel ay nanghingi ako ng papel, ang bait rin ni Andrea at sana'y pagpalain rin siya ni Lord. Sa oras ng MAPEH, di pumasok si Ma'am Mina subalit nagkaroon kami ng seatwork sa pamamagitan ng kanang kamay niyang si Bacsal, nangungulubi ako sa papel kaya nanghingi ulit ako ng papel subalit di kay Andrea sapagkat may delikadesa naman ako kundi sa iba kong kamag-aral. Kay Pradez sana ako manghihingi subalit kay Jona Mae raw iyon at kailangan kong magpaalam. Nagpaalam ako kay Jona mae subalit pinagdamutan niya ako.

3a-n. Bumili na lang ako ng papel at pagkainis ang naramdaman ko sa kanya, alam kong maliit na bagay lang na pinagdamutan ka lang ay magtatanim ka na ng galit sa kanya subalit itong si Jona Mae, kapag siya nanghihingi at nanghihiram ay pinagbibigyan ko tapos kapag ako ay siya pa may ganang magmaramot, ingrata siya at isa sa dahilan kung bakit nagsisimula ang inis ko sa kapwa'y iyong pinagdadamutan ka kahit bukas ang palad mo sa kanya. Siguro nakalimutan lang niya ang ginawa ko sa kanya at sa susunod na manghihingi siya, magiging matigas na ako. Sa sama ng loob ko sa kanya, muntik-muntikan ko ng isaboy sa kanya ang masasakit na salita subalit isinasaalang-alang ko lang ang magiging damdamin niya kaya di ko itinuloy.

3a-o. Bakit ba ganon makitungo ang kamag-aral ko sa akin na kahit pilit akong magpakabait ay nagiging mapagkait pa rin sila sa akin. Dahil wala ring guro sa Filipino'y ipinagpatuloy namin tapusin ang seatwork sa MAPEH. Sa oras naman ng recess ay kasabay ko si Patrick sa pagkain. Buti pa si Patrick na kahit natatangi sa aming lahat ay naintidihan niya ako. Kung minsan iniisip ko na mas maganda pa ang dati nung nasa First year at Second year pa kami, marami-marami pa ang kumakausap at umiintindi sa akin at nagugustuhan ko pa ang ugali ng kamag-aral ko, subalit nagbago ang lahat ng iyon simula ngthird year na kami, palibhasa mas binibigyan nila ng panahon ang ibang baguhan kaysa sa matagal na nilang nakasama.

3a-p. Maya-maya’y English time na at si student teacher Ma'am Pascual pa rin ang nagturo sa amin. Pagkatapos ay nagkaroon kami ng pangkatang gawain, ng matapos ay saktong dumating si Ma'am Miranda at may inanunsyo sa amin, sinabi niya na magkakaroon kami ng stage play sa darating na December, lundagan kami sa tuwa ng mabatid iyon. Ilang sandali pa'y Math Time na subalit kung kailan malapit ng mag-Physics ay saka pa lamang dumating si Sir Harren at may inanunsyo, another lundag muli kami sa tuwa sapagkat maaga ang uwian. Maya-maya pa'y tumunog na ang bell hudyat na uwian na. Pagdating sa bahay ay kaagad kong binuksan ang telebisyon upang manood ng Be careful with my heart, kasal pala ngayon ni Maya at Ser Chief at iyon ay napakaengrande. Taray rin ni Maya, nagawa pa niyang bingwitin ang puso ngboss niya, bigtime tuloy ang asawa niya. Kinagabihan ay biglang dumalaw sa amin sila Tito Elbong kasama sila Amihan at Habagat subalit di sila nagtagal sa amin. Dahil walang pasok kinabukasan, nilibang ko muna ang sarili sa paglalaro ng Tablet. Kung kailan nawalan ng baterya'y saka pa lamang ako natulog.

47 | 40 Apat na pung araw na lang bago magpasko, malapit na at sa mga lubhang sinalanta ng bagyo, maging merry pa rin sana ang Christmas. Kahit na di kami na nasalanta'y parang di magiging masaya ang Pasko.



November 16, 2013
Saturday

Year I-320

3a-q. Dahil sa lintik na uhog na iyan na muling umaatake kaya nasira ang masarap na tulog ko, maaga na pala kaya bumangon na ako at nag-almusal. Mukhang magiging mainit ang panahon kaya magandang pagkakataon upang magpatuyo, may balak sanang maglaba subalit andiyan na si Mama at naglalaba na, nagwalis at nagpunas na lamang ako. Pagkatapos ay sinimulan ko ng kulayan ang inutang na figurine, dahil nagkulang sa ibinigay na tinta ay hindi ko natapos. Nababato nanaman ako kaya paglalaro ng games sa Tablet ang muli kong inatupag at iyon ang fast time ko kapag nababagot. Maya-maya'y panonood ng telebisyon ang sunod kong inatupag, kaawa-awa pa rin talaga ang sinapit ng mga nasalanta ng bagyo at sa kasamaang palad ay umabot na sa mahigit dalawang libo ang narerekober na mga bangkay, kahit na nakaligtas sila mula sa hagupit ng bagyo'y mukhang ikamamatay naman nila ang matinding gutom sapagkat di pa naabutan ng relief goods, nakakapagtaka lang pagkat dami-daming nagbibigay ng donasyon kasama na rin ang ibang bansa subalit bakit hindi nakakaabot sa kanila.

3a-r. Ano iyon bubulukin lang nila ang relief goods sa kakaimbak, naku at konting habag naman diyan, tapos talamak na rin ang donation scam sa Internet na kung saan ay idadahilan na isa sila sa nasalanta ng bagyo pero ang totoo'y gusto lamang nila makalikom ng pera para sa luho nila, mga loko-loko sila at kaya tayo binabagyo sapagkat mahilig tayong manamantala, hudyat na sigurong galit na sa atin si Lord. Sa init ng panahon ay hindi ako nakatulog at gumawa na lamang ng kwento, sa haba'y bigo ko iyon natapos at ipapagpatuloy na lang kapag may time. Kinagabihan, matapos maghapunan ay naglaro muli ako sa Tablet at nakakaenganyo talaga kaya mukhang naadik na ako, kahit nga nakabukas ang telebisyo'y patuloy pa rin ako sa paglalaro ng Tablet at iyon ang pinagpuyatan ko. Sa kadahilanang sumapit na ang hating-gabi, kahit di pa hikab ay nagpasya ng matulog. Bukas ulit kapag may time.


46 | 39 Tatlumpu't siyam na araw na lang bago sumapit ang Pasko.


November 17, 2013
Sunday

Year I-321

3a-s. Heto muli ang uhog at muling umaatake dahilan kung bakit maaga akong nagising. Dama muli ang napakalamig na panahon kaya ibinalot ko ang buong katawan sa makapal na kumot, malapit ng mag-ikawalo ng magising ako at nag-almusal, bago gawin ang bagay na kinahuhumalingan ko'y ginampanan ko muna ang responsibilidad bilang tagalinis ng bahay. Pagkatapos ay naglaro na ako ng Tablet at maya-maya'y panonood ng telebisyon ang sunod kong inatupag, madalas expose ang mata ko sa radiation kaya lumalabo ang paningin, hindi ko naman kasi maiwasan kapag napapatutok na ang mata ko sa mga gadyet. Nang maubusan muli ng baterya'y itinigil ko muna ang paglalaro, ang bilis talaga ma-lowbatt ang Tablet, hindi kasi mataas ang kalidad at minsan ay nai-stroke pa. Ilang sandali pa'y tsibugan time na kaya kumain na ako at pagkatapos ay natulog. Saksakan talaga ng ingay dito sa baryo Taniman lalo na yung mga paslit na kahit tanghaling tapat ay binababad ang katawan sa arawan kaya mga umaalingasaw ang amoy-araw nila kahit malayo.

3a-t. Sinaway ko nga subalit maya't maya ang balik at mag-iingay pa, nasira na tuloy ang tulog ko dahil sa kanila. Ang init sa labas kaya bumili ako ng pampalamig sa sikmura at iyon ay Cornetto subalit wala akong mabilhan, tubig na lang. Medyo nababato muli ako kaya ipinagpatuloy ko ang paggawa ng kwento. Kinagabihan ng mapuno ang baterya ng Tablet kaya iyon muli ang inatupag ko. May pasok na bukas subalit Alas-onse na ako natulog sapagkat nanood pa ako ng Tulong na, Tabang na, Tayo na the All star concert para sa mga nasalanta ng bagyo. Parang gusto ko rin magkaroon ng tulong na, tabang na, tayo na T-shirt na iyon sapagkat pwede iyon ipangporma kaso di kaya ng badyet ko, saka na lang, subalit kailanman naman ako makakabili kung kailan laos na si Yolanda?


45 | 38 Tatlumpu’t walong araw na lamang bago magpasko.


November 18, 2013
Monday

Year I-322

3a-u. Lunes nanaman kaya tapos na ang maliligayang araw ko at kahit nakakatamad ng pumasok ay pinilit ko pa rin ang sariling pumasok, pagdating sa eskwela'y matumal pa lamang ang pagdating ng mga estudyante at mukhang pati sila'y tinatamad ng pumasok, paano ka tatamarin, malamig na kasi ang panahon at isa pa'y malapit na rin ang Christmas break na hinihintay ng mga estudyanteng gaya ko. Sa halip na sa silid kami'y dumeretso, pumila pa kami sa Quadrangle sapagkat may flag ceremony. Pagkatapos ng flag ceremony ay may inanunsyo pa si Ma'am Lintag, iyon pala'y may seminar ang Techvoch sa amin tungkol sa nutrients, Diyos ko at dapat ay hindi ko pala inagahan ang pagpasok sapagkat kaagad pinapasok ang mga nahuling estudyante sa kanya-kanyang silid samantalang halos mangalay na ang paa dahil naka-Indian sit.

3a-v. Ang tagal ng diskasyon nila at di pa maintindihan sapagkat di maayos ang mikropono, parang atat na akong pumasok sa silid. Pagkadating sa silid ay nandoon na si Ma'am Fabiana at nagtuturo na, nahuli pa ako ng dating kahit napaaga ang pasok ko. Pagkatapos ay nagkaroon kami ng aktibidad, pagkaalis ni Ma'am ay inutusan niya akong magbitbit ng figurine at kinausap ko siya na kung pwede'y sa Biyernes na ako magbabayad, pumayag naman si Ma'am. Sa oras ng TLE ay nagturo lamang si Sir Balbintungkol sa Microsoft office word and Excel, samu't saring tanong ang ibinato ko kay Sir sapagkat sa tuwing gagamit ako ng MS office excel ay hindi ko pa alam ang ilang pasikot sikot, kaso lagi akong nasasapawan ng tanong nina Rommel at Bacsal.

3a-w.  Parang gusto ko ang mga topic sa TLE dahil mailalapat ko kung ano ang nalalaman ko kapag nasa harapan ako ng computer. May balak pa sanang mag-extend si Sir Balbin dahil maraming tanong si Bacsal at Rommel kaso nandiyan na si Ma'am Mina. May long test sana kami subalit di natuloy sapagkat may ilang lesson pang di naituturo si Ma'am. Tinalakay ni Ma'am ang mga batas na nagbabawal sa mga tindero't tindero, laging hinahaluan ni Ma'am ng kabulastugan sa tuwing nagkukwento sa naging karanasan niya bilang mamimili kaya tawanan kami. Sa oras ng Filipino'y may pangkatang pag-uulat at pagkatapos ay nagkaroon ng maikling pagsusulit. Sa oras naman ng English, si Ma'am Pascual muli ang naging guro namin at kahit tini-train pa lang bilang teacher ay bihasa na siya sa pagtuturo at hindi na nahihirapang makisalamuha sa amin.

3a-x. Mukha ngang magkakaroon siya ng bagong kaibigan sa amin at sa dalas ng pagtuturo sa amin ay mukhang napapalapit na ang loob sa amin. Sa oras naman ng Mathematics, bago magturo sa amin si sir ay nagkaroon muna kami ng palaro at iyon ay huhulaan kung ano ang inversed word ng words na ibibigay ng kalabang kagrupo. Hinirapan ko nga ang words subalit akalaing masasagot pa nila iyon kaya tuloy, sila pa ang nagkapuntos, palibhasa'y may dalang diksyonaryo. Kahit talo'y naging masaya rin ang laro. Sa oras naman ng Physics, wala nanaman kaming ibang ginawa kundi magrepaso pagkatapos ay pre-test. Sobrang nanlubag ang kalooban ko pagkat naperpekto ko ang pagsusulit. Maya-maya at ang bilis ng oras pagkat uwian na. Diretso tulog pagdating sa bahay at magigising ng Alas-kwatro. Kinagabihan, habang tutok ang mata sa panonood ng telebisyo'y may narinig akong musika na pamilyar sa akin na pinapatugtog ng kapitbahay, iyon pala'y Wellness Dance Song na sinasayaw ni Regine (Cebrero). Dahil alam ko ang steps ay nakisali ako, maya-maya'y tawanan kami pagkat baliw-baliw akong sumayaw at hirap gawin ang steps. Di na tuloy ako nakanood ng telebisyon pagkat nakipagkulitan pa kila Regine at Cristy. Dahil sa kulitan, umuwi akong pagod.


44 | 37 Tatlumpu’t pitong araw na lang bago magpasko.



November 19, 2013
Tuesday

Year I-323

3a-y. Di pa man sumasapit ang buwan ng Disyembre'y dama ko na ang simoy Pasko na bitbit ng Hanging Amihan na nagpapangatog sa akin kaya bumabagal ako sa pagkilos. Pagdating sa eskwela'y flag ceremony muli at pagkatapos ay may nag-anununsyong estudyante sa entablado tungkol sa pamamahagi ng relief goods sa mga nasalanta ng Bagyo. Sayang at hindi pa ako nakakapag-donate pagkat hanggang bukas na lamang iyon. Ilang sandali pa'y pumasok na ang mga estudyante sa kanya-kanyang silid. Nagkaroon lamang kami ng activity sa AP at parang iba ang mood ni sir, yung tipong banas na banas siya subalit di niya gaanong ipinapahalata. Maya-maya’y TLE na at sa computer laboratory kami nagklase, si student teacher Ma'am Sandra ang naging guro namin, medyo mabait siya sa amin pero huwag raw maging pasaway at baka magbago ang ugali niya sa amin.

3a-z. Nagturo lamang siya at pagkatapos ay nagkaroon kami ng quiz, buti na lamang at may reserba akong papel kaya no need hingi na unlike some classmate who did not bring padpaper, that is why they detach the page of their notebook to use as their answer sheet, nosebleed ako dun. Pagkatapos ay bumalik na kami sa silid, bago dumating si Ma'am Mina'y nagrepaso muna kami para sa long test, pagkarating ay saka pa lamang kami nagsimulang mag-long test at madali lang ang test kapag nakapagrepaso ka kaya naman mataas na marka ang natamo ko. Sa oras naman ng Filipino, gaya ng nakalipas na araw ng aming pag-aaral, reporting muna at pagkatapos ay may maikling pagsusulit kami.

3b-a. Maya-maya’y breaktime na subalit hindi ako kumain pagkat di ako nagugutom. Sa oras ng English, busy pa rin daw si Ma'am Miranda kaya si Ma'am Pascual muli ang naging guro namin at nagturo ito about poems, pagkatapos ay nagkaroon kami ng pangkatang gawain. Ayos-ayos rin magturo si Ma'am at sa ilang araw na kanyang pagtuturo'y mukhang napapalapit na kami sa kanya pagkat kahit di namin kasing edad ay marunong rin ito makisalamuha. Maya-maya’y oras na ng Math at itinuro sa amin ni Sir Harren ang logarithmic function. Grupo-grupo kaming pinagbigkas ng logarithmic function at kadalasa'y may mintis kaya laging may minus.

3b-b. Sa oras naman ng Physics ipinagpatuloy namin ang pagrerepaso at pagkatapos ay nagkaroon kami ng test, medyo lagagpak ako sa pre-test pero nakaangat naman pagdating sa post test. Napakatulin ng oras at di ko inakalang uwian na. Pagdating sa bahay at dahil di pa nalalagyan ang kumakalam kong sikmura'y bumawi ako sa paglamon ng marami at sige lang sa banat kaya ang resulta'y daig pa ng taong nagbubuntis ang laki ng tiyan. Ng matunawa'y natulog na ako. Kinagabihan, naging maingay sa lugar namin kaya hindi ko halos mapakinggan ang pinapanood ko, ang ganda pa naman ng Got to believe, sobrang nakakakilig silang dalawa, maya-maya'y heto muli ako na kailangan ng humiga sa kama upang matulog.


43 | 36 Tatlumpu't anim na araw na lang bago sumapit ang Pasko.


November 20, 2013
Wednesday

Year I-324

3b-c. Sa lamig ng panahon na bitbit ng Hanging Amihan ay mukhang tinatamad pa akong bumangon at gusto pang humilata ng tagal subalit sayang ang mga bagay na maari kong matutuhan kaya buong tapang kong nilabanan ang katamaran. Habang kumakain ng agahan, bigla kong naramdaman na tila hindi maganda ang lagay ng aking sikmura at panay kulo pa. Maya-maya pa'y bigla akong napasugod sa banyo dahil duming-dumi na ako, nakaranas ng konting ginhawa ng makabawas subalit kung kailan nasa pila na ako ng tricycle ay muli nanamang sumakit ang tiyan ko. Tuloy ay hindi na lamang ako pumasok at baka magsisi nanaman ako kapag muling nag-alburoto ang lintik kong tiyan. Bad timing naman pagkat maaga pa akong nagising, nag-ayos, nagbihis at sabik pumasok subalit sakit ng tiyan ang sumira sa maganda kong araw. Medyo kinukulang pa ako sa pagtulog kaya natulog muna ako.

3b-d. Maya-maya’t ang pagpunta ko sa banyo at talagang nagdurumi ako, marahil ay may Diarrhea na ako o dili kaya'y di kinaya ng sikmura ko ang biglaang subo ng maraming pagkain kahapon. Ilang saglit pa'y nakaramdam ako ng pagkahilo at parang naduduwal ako hanggang sa magsuka na ako. Kinilabutan na ako na baka may nakuha akong ibang sakit, di naman ako buntis para mahilo pagkat Adan pa rin ako kahit ang puso ko ay Eba. Madalas ay nakahilata ako sa kama at para bagang tinakasan ng lakas, baka naman nausog ako kaya ganito ang nararanasan ko. Alas-nuebe na ng umaga ako bumangon at dahil wala ng laman ang sikmura ko sa kakadumi't suka, sinabihan ako ni Mama na kailangan kong kumain ng mainit init na Lugaw, nawala rin ang hilo kahit paano. Ilang saglit pa'y dumating na si Papa na may dalang pasalubong, gusto ko sanang kainin ang dalang pasalubong ni Papa subalit pinagbawalan ako maging sa tanghalian na ang ulam namin ay piniritong isda. Kailangan muna mag-fastingsa masasarap na pagkain at tiis-tiis ako sa pagkain ng mapaklang saging upang manumbalik sa dating tigas ng Dyerbaks ko.

3b-e. Matapos lumamon at dahil nanghihina pa ng bahagya, maghapon akong natulog. Sumigla-sigla naman ang pakiramdam ko pagkagising subalit di pwedeng magpagod ng todo kaya paglalaro ng Tablet ang aking inatupag at iyon ang naging libangan ko sa oras na nababato. Nang tuluyan ng nanumbalik ang dating lakas, sinimulan ko ng sagutan ang Ugaling Pilipino. Kinagabihan, medyo kumukulo pa rin ang tiyan subalit masamang hangin na lang ang lumalabas. Matapos manood ng telebisyon ay kaagad na akong natulog. Matutulog na sana ako kaso di naman makatulog pagkat kinakabag ako at utot pa ako ng utot. Kahit sariling hangin ay masuka ako sa baho ng utot. Nang maibsan ang kabag ng tiyan, saka lamang nakatulog.


42 | 35 Tatlumpu't limang araw na lang at bukas ay Pasko na.


November 21, 2013
Thursday

Year I-325

3b-f. Naging napakalamig muli ng umaga dahilan kung bakit tinatamad pa akong bumangon at medyo sinisipon pa subalit hindi na ako gasinong nagpupururot, pagkabangon at tingin sa malaking orasan, sumapit na pala ang ikalima ng umaga kaya kailangan ko ng magmadali kaso pagdating sa antayan ng tricycleay saksakan sa haba ang pila at patay, mahuhuli na talaga ako sa klase. Pagkadating sa eskwela'y nandoon na ang halos lahat sa aking mga kamag-aral maging si Sir Arnulfo na nakabusangot ang mukha at magagalitin pa sa tuwing kinikibo, di ko batid kung bakit badvibes ngayon si Sir. Maya-maya pa'y kahit walang ginawang kasalanan ang isa kong kamag-aral ay pinagsalitaan niya ng masasakit at sabay mura, sa puntong iyon ay doon na nagliyab sa galit si Sir at ang tatalas ng kanyang mga katagang halos ikawasak na ng dibdib namin. Ang pagiging tamad namin ang ikinapuputok ng kanyang butsi at maging sa kilos at kung paano kami manamit ay pinuntirya rin niya, sinabihan kaming wala raw karapatang magsuot ng burluloy sa katawan o mag-astang mayaman pagkat nasa depressed area raw kami.

 3b-g. Bago umalis si Sir Arnulfo ay humirit pa siya ng salita at sinabing matuto raw kaming lumugar. Samu’t saring hinanakit ang inilabas ng ilan kong kamag-aral pagkaalis niya. Sa oras ng TLE, si Ma'am Sandra ang humawak sa amin at nagkaroon kami ng hands on sa pag-install nganti-virus. Sa oras naman ng MAPEH, di pumasok sa silid namin si Ma'am Mina subalit di pa rin kami nagsaya pagkat may activity kami. Bago dumating si Sir Martin ay biglang pumasok si Sir Arnulfo na ngitnit sa galit at nagliliyab ang kanyang mga sinasabi, pinatawag ang lahat ng mga di nagsipasok sa kanyang klase pagkat nakita niya raw ang mga ito at bago umalis ay pinagsisira niya ang lahat ng mga nakadikit sa dingding gamit ang haliparot niyang pamaymay sabay bagsak sa pintuan, labis namin ikinabigla at takot ang pagdating niya subalit napalitan iyon ng si Sir Martin na ang nasa harapan pagkat panay patawa siya sa amin at ginagaya pa ang linya ni Sir Arnulfo sa tuwing naggagalit-galitan.

3b-h. Siyempre kahit pakwela sa amin si Sir Martin ay di pa rin nakaligtas sa pagrerepaso. Sa oras naman ng English ay si Ma'am Pascual pa rin ang naging guro namin at nagkaroon kami ng activity matapos niyang magturo. Sa oras naman ng Math, nagkaroon kami ng seatwork at pagkatapos ay recitation. Sa kadahilanang may summative test sa Physics ay todo ako sa pagrerepaso bago dumating si Sir Martin. Naging sisiw lamang sa akin ang exam sapagkat lahat ng nirepaso namin ng nakaraang mga araw ay lumabas. Nagpraktis muna kami ng jingle sa MAPEH bago umuwi subalit saglit lamang iyon. Pagdating sa bahay ay ikwinento ko kay mama ang tungkol sa pagtataray ng binabaeng guro subalit di ako inalintana at nasaktan ako. Bago mag-siyesta ay lumamon muna ako ng tanghalian.

3b-i. Kinagabihan, habang sarap ako sa pakikipag-textmate ay bigla akong tinawag ni Myca at ipinabatid na may nangyaring barilan sa Ison Site, siyempre ako naman 'tong Curious at gustong makiusyoso kaya dali-dali kami sa pagtungo doon subalit huli ng sabihin ni Regine (Cebrero) sapagkat nasahospital na raw ito, hinayupak talaga ang gumawa nun sa kanya at sa ulohan pa binaril, ayaw kong isipin pero baka maari niyang ikamatay na huwag sanang mangyari, kasing edad ko lang pala ang biktima at dahil delikado ang sitwasyon ngayon ay di na ako nagpagalagala pa sa labas. Sayang at di ko naibandera ang ganda ko. Medyo bagsak na ang aking mata kaya kaagad na akong natulog at sana bukas ay humupa na ang galit sa amin ni Sir Arnulfo.


41 | 34 Ang araw ay sadyang napakatulin, biruin at tatlumpu't apat na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.  



November 22, 2013
Friday

Year I-326

3b-j. Nagising na ang nahihimbing kong katawang lupa gawa ng malakas na alarma ng aking telepono, sarap pang matulog sapagkat napakalamig ng panahon pero kailangan ng bumangon upang di mahuli sa pagpasok. Alam niyo naman ang guro namin, mainitin ang dugo sa mga estudyanteng makupad at tamad. Ngayong araw rin ang aming Mini Olympics sa MAPEH kaya bago umalis ay inihanda ko ang T-shirt at Jogging pans na susuutin. Pagdating sa eskwela, salamat sa langit at mga kamag-aral ko pa lang ang nandoon. Ilang saglit ang makalipas ay dumating na si Sir Arnulfo, nakabusangot pa rin ang mukha at mainit pa rin ang ulo sa amin, nagkaroon kami ng Mock test sa kanya. Tapos o di tapos, kailangan ng ipasa. Maya-maya’y Values time na.

3b-k. Nagturo lamang si Ma'am Fabiana tungkol sa uri ng kasinungalingan subalit tila walang nakikinig sa kanya at walang habas sa pagbuka ng bibig ang aking kamag-aral. Tingin ko lang sa aking mga kaklase'y mukhang di na nila nirerespeto si Ma'am sapagkat kahit ilang ulit silang sawayin, di sila nadadala at mas ginagawa pa nila ang gusto nila, wala silang pagpapahalaga talaga pagdating kay Ma'am Fabiana at appreciated ko iyon. May edad na si Ma'am at dapat ay di na nila kinukunsumi pa dahil batid kong maari siyang magkasakit. Twice a week na nga lang si Ma'am nagtuturo sa amin, hiningi pa ng ilan kong kaklase ang nalalabi niyang oras upang makapagbihis lang, pwede naman magbihis sa oras mismo ng MAPEH, nag-aaral kami ng Values subalit tila walang Values ang ilan kong kamag-aral. Ilang saglit pa'y sumapit na ang oras ng MAPEH at bago magsimula ang palaro para sa Mini Olympics, nagpakita muna ang bawat grupo ng angking galing sa Jingle.

3b-l. Matapos ang Jingle ay palaro na at ang games ay sack race. Sa laki ng biyas ko ay kampante na sana kaming mananalo subalit pagdating kila Pinlac, naungusan na kami ng kalaban hanggang sa sila ang mapasabak sa ikalawang palaro. Nakakatawa ang ikalawang palaro dahil putukan ng lobo sabay kembot. sa huli, ang team nila Jona Mae ang nanalo sa palaro at sa banner lang kami may award, galing kasi ni Ashley pagdating sa artwork. Pagbalik sa silid, halos maglupasay na kami sa tindi ng pagod pero kahit haggard na ang moda'y di pa rin napigil ang Selfie. Balikan lang sa kanya-kanyang upuan pagpasok ni Sir Velarde at nag-ulat lamang ang ilan kong kamag-aral.

3b-m. Sa oras naman ng recessat dahil nagkulang sa color paint, nagtungo ako sa Admin kung saan namamalagi si Ma'am Fabiana upang manghingi ng color paint na gagamitin sa Figurine. Bait talaga ni Ma'am at dinagdagan pa niya kaya bwenas ako sa colorpaint. Ang simpleng kibuan namin ni Ma'am, nauwi sa masarap na pag-uusap, nandoon rin sila Sir Jeff kaya napadami ang kakwentuhan kong mga guro at mukhang magiging ka-close ko na si Ma'am Fabiana, sana nga para mataas ang grade. English time na pagbalik sa classroom at si Ma'am Pascual muli ang naging guro namin. Nagkaroon lamang kami ng activity sa kanya. Hetong sila Jobil, hala sige sa pagkopya ng sagot sa katabi at di natatakot na mahuli.

3b-n. Maya-maya’y oras na ng Math at nagturo lamang si Sir Harren tungkol sa exponential function. Sa oras naman ng Physics, nagtsek lamang kami ng testpaper ng long test, di gasinong kataasan ang nakuha ko kaya di ako gasinong nagalak. Bawi na lang next time. Ilang saglit pang nagdaan kung pagtiyagaan, uwian na at pagdating sa bahay, kaagad akong natulog. Pagkatapos mag-Siyesta'y nanood ako ng Galema, palabas na makamandag sa ganda. One to sawang panooran hanggang sa sumapit ang gabi kaya matapos manood ng telebisyon, ang matang kaninang punong puno ng sigla, ngayon ay bagsak na at namumugto. Sa takot na mabulag, ipinagpahinga ko na ang mata.


40 | 33 Tatlumpu't tatlong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.



November 23, 2013
Saturday

Year I-327

3b-o. Hindi naging maganda ang gising ko sa umaga sapagkat umatake muli ang walang kamatayang uhog kaya wala akong ginawa sa buong umaga kundi ang suminga. Halos mabingi na nga sa kakasinga. Matapos mag-almusal at dahil matagal ko ng hindi nalilinisan ang sahig ay matiyaga ko itong pinunasan hanggang sa kasingit-singitan at ng masiguradong malinis na ay saka pa lamang ako nagpahinga. Medyo nabo-boring nanaman ako at walang maisipang gawin kaya nagkulwit ako ng Tablet, laro-laro rin ng Tablet kapag may time at pwede ring pampalipas oras. Maya-maya’y panonood ng telebisyon ang sunod kong inatupag kaso lagi na lang inikot ng inikot ang antenna kaya di enjoy ang panonood ko. Ikaapat na anibersaryo ngayong ng Maguindanao Massacre na nangyari sa mismong araw na ito at hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang mga biktima, ang bagal kasi ng usad ng kaso, usad pagong.

3b-p. Dalawang Linggo makalipas matapos manalasa ang napakalaking delubyo'y malaki na ang ipinagbago ng Tacloban at nakakabangon na sila, sana'y magtuloy-tuloy pa ng sa ganon ay manumbalik sa normal ang pumumuhay nila maging sa iba pang lugar na lubhang nasalanta rin. Sa kasamaang palad at dahil sadyang napakalakas ng bagyong tumama sa ating bansa'y nasa limang libo na ang naitatalang patay, laban rin ni Pacquao bukas at sana manalo siya upang mabawasan ang hinagpis ng mga Pilipino. Matapos manood ng balita, That is my tomboy naman ang sunod kong pinanuod at grabe, ang popogi ng mga kalahok kahit babae ang kasarian nila.

3b-q. Yung tipong mapapanganga ka kapag nakikita mo siyang kapogi at di aakalaing Eba pala siya, iyon ang dating nila. Walang kapuyat-puyat ang mata at nanood pa ng Singing Bee. Dahil apat na oras ng babad ang mata ko sa telebisyon ay minabuting ipagpahinga ko muna. Pagkagising at kahit masungit ang panahon ay nagtungo ako sa tindahan nila Aling Nenita upang bumili ng pintura, kaso dahil may kamahalan ay dalawang kulay lang nabili ko at di ko pa tinapos kulayan ang figurine ng Angel. Kinagabihan, Maala-ala mo kaya naman ang sunod kong pinanood at malaking inspirasyon ang naghatid para sa kagaya kong binabae sapagkat nagpakatotoo sila at ipinaglaban kung anong kasarian ang nanalaytay sa kanila sa kabila ng pagtutol ng mga magulang nila. Labis akong naantig sa kwento nila, not once but twice silang Beki and they are twins. Matapos manood ng MMK ay natulog na ako.


39 | 32 Tatlumpu’t dalawang araw na lang bago sumapit ang Kapaskuhan. Malapit na at damang-dama ko na.



November 24, 2013
Sunday

Year I-328

3b-r. Alas-sais pa lamang ay gising na ang katawang lupa ko at kaagad na nag-almusal, mukhang maaliwalas ang lagay ng panahon sa maghapon at sana'y magpatuloy upang happy ang life, simbolo ng kasiglahan ng buhay ang pagiging maaliwalas ng panahon, kapag maulan at napakadilim ng himpapawid, ang unang mong iisipin ay parang ang lungkot at maihahalintulad mo pa sa buhay mong punong-puno ng pagdurusa at puro kalungkutan sapagkat sabi ni Kuya Kim, ang buhay ay parang weather weather lang na minsan masaya tuwing maaraw at minsan ay malungkot tuwing umuulan. Kapag bumabagyo naman, maaring maihalintulad sa problemang dumaratal sa buhay subalit di rin naman nagtatagal na gaya ng bagyo na kaagad umaalis. Dapat kung anong buhay na pinagdaraanan ko, masaya o malungkot, may problema man o wala ay dapat kinakaharap at di tinatalikdan, kahit anung mangyari'y tuloy ang life. Matapos mag-almusal at dahil tuloy ang life ay naghugas ako ng plato. Life is not only like a weather but in short kaya habang may buhay pa'y ginagawa ko na ang ibig kong gawin tulad ng paglalaro ng Tablet. Just enjoy your lifetime.

3b-s. Pagkatapos maglaro ng Tablet at dahil ngayong araw ang pagtutuos ni People's Champ Manny Pacquao against Brandon Rios ay binuksan ko na ang telebisyon kaso wild card boxing pa lamang. Di pa nga napapanood ang laban ni Pacquao ay alam na kung sino ang panalo at si Pacquao iyon. Sa kadahilanang inaantok na, hindi na ako nakanood kung paano pataubin ni Pacquao si Rios at bunying-bunyi ang bansang Pilipinas sa pagkapanalo ng ating pambansang kamao. Pagkagising ay nagtungo ako sa computer shop at madilim-dilim na ako nag-quit. Sa halip na dumeretso sa bahay ay nagtungo pa ako sa bahay nina Tita Jean subalit si Itang lamang ang nadatnan ko doon. Makalipas ang ilang saglit ay dumating na sila Tita Jean bitbit ang pinamiling grocery at nag-usap kami.

3b-t. Sumunod na dumating si Tito Elbong at ang dami niyang jokes sa akin kaya labis ang halakhak ko. Maya-maya’y naisipan kong magpaturo sa kanya kung paano mag-Ilocano upang kapag may katsikahan si Mama na Ilocano'y madali kong maunawaan kaso kanda hirap ako sa pagbigkas at matawa-tawa ako sa ilang salita subalit mas madaling aralin ang Ilocano kaysa mag-ingles. Umuulan na sa labas kaya nagpatila muna ako at ng tumila'y saka pa lamang ako nagpaalam sa kanila. Pagdating sa bahay, kinausap ko si Mama ng wikang Ilocano at talagang di niya ko ma-gets, yun pala mali-mali ang pronouncation ko kaya di maintindihan. Medyo kumakalam na rin ang sikmura kaya kumain na ako at pagkatapos ay nanood ng telebisyon. Dakong Alas-dyis na ng maisipang matulog.


38 | 31 Tatlumpu’t isang araw na lang bago sumapit ang Pasko.



November 25, 2013
Monday

Year I-329

3b-u. Kakatapos lang ng maikli subalit sulit naman na bakasyon at sumapit nanaman ang araw ng Lunes kaya kailangan nanaman bumangon ng maaga upang di mahuli sa pagpasok. Pagdating sa eskwela, hindi pa pala pinapapasok ang mga estudyante at pinapasok lang kami pagkatapos awitin ang Pambansang awit. Mangilan-ngilan pa lang kami sa silid at makalipas ang ilang saglit ay dumating na si Ma'am Fabiana, nagkaroon kami ng dula-dulaan at ako ang kinuha ni Ma'am bilang Narrator. Ng sumunod na asignatura'y sa computer laboratory kami nagklase, maging si Sir Balbin ay badtrip na sa amin sapagkat kakaunti lamang ang nagpunta at sinabing hindi na raw niya estudyante ang mga di nagsipasok.

3b-v. Pagkabalik sa silid ay nandoon na si Ma'am Mina at nag-discuss. Bago siya umalis, sinabi niya sa amin na magkakaroon kami ng sayaw sa Biyernes. Bago sumapit ang recess time at dahil wala si Sir Velarde, naging maingay muli ang klase. Maya-maya’y bigla kong narinig ang usapan tungkol sa pagpapakawala ng komento laban kay Sir Arnulfo sa Facebook, hindi pa klaro sa akin ang mga detalye tungkol diyan pero aalamin ko mamaya. Sa oras ng English ay si Ma'am Miranda na ang humawak sa amin at inanunsyo na kailangan na namin magbayad sa lalong madaling panahon pagkat 200 na lang ang slots ng ticket. Mahirap pa naman ang kapalit na proyekto kapag di nakasama sa stage play kaya magbabayad na ako mamaya hangga't di pa nauubusan ng ticket. Sa sumunod na asignatura'y nagturo lamang si Sir Harren at pagkatapos ay nagkaroon kami ng pangkatang gawain.

3b-w. Sa oras ng Physics, accelaration and velocity naman ang itinuro sa amin ni Sir Martin. Nang uwian na'y di na ako nagpaligoy-ligoy pa at kaagad na umuwi na. Sabay hingi ng pera pambayad sa ticket pagkauwi sa bahay at sa bait ni Papa, hindi naging mahirap sa akin ang humingi. Pagkabayad ng ticket, sinabi ng chairman na sa December 4 pa makukuha ang ticket. Sa halip na umuwi'y naisipan ko pang magtungo sa Park pagkat batid kong nagprapraktis ang ilan kong kaklase subalit si Mandy kasama ang kasintahan nito ang nadatnan ko doon, dumeretso ako sa bahay ni Jayvie Ann at tinanong kung saan sila nagpapapraktis, sinabi niya kina Jona Mae raw. Dahil magkapitbahay si Jobil at Jona Mae, kina Jobil ako nagtungo.

3b-x. Maya-maya pa'y sinamahan na ako ni Jobil patungo sa bahay ni Jona Mae at humingi ako ng pahintulot sa kanya na kung pwede gawin niya akong propsman sa play, pumayag naman ito. Ayaw ko pang umuwi sa bahay kaya nagkumpyuter muna ako. Goodluck kay Sir Arnulfo bukas sapagkat talagang patama kay Sir ang mga komento ng ilan kong kamag-aral lalo na si Charlotte at Jarito, sa kasamaang palad ay nabasa pala lahat ng iyon ni Sir at malamang ay nagpupuyos na siya sa galit, pasalamat ako at di ako dawit sa kasong kinasasangkutan nila kaya walang dahilan upang kabahan ako bukas. Mga Alas-singko na ako nakauwi sa bahay at nakakainis naman si Sir Martin sapagkat ng mag-chat sila ni Mama sa Facebook, siniwalat ba naman niyang madaldal raw ako samantalang ang tahimik ko naman.

3b-y. Ayos-ayos siya sa mga sinasabi niya pagkat di iyon nakakatuwa, dahil sa kanya, nasermunan tuloy ako ng walang humpay. Kinagabihan, matapos manood ng telebisyon ay nagkaroon muli kami ng alitan ni Mama dahil sa bintana. Paano, gabi-gabi na lang bubuksan niya ang bintana tapos kung kailan matutulog na ako ay sa akin pa mismo ipapasara at sinabing maginaw raw, kung kanina pa siya giniginaw di sana huwag niya na lang ako hintayin pa, kaso lagi na lang niya ginagawa kaya nainis na ako. Nagsagutan kami ni Mama at napakarami niyang sambitla kaya tinakpan ko na lang aking pandinig, kakarindi kasi at pampasakit pa sa ulo. Nang matahimik na ang paligid ay saka pa lang ako nakatulog.


37 | 30 Tatlumpu't araw na lang bago sumapit ang Pasko.



November 26, 2013
Tuesday

Year I-330

3b-z. Sa takot na mapagalitan ng Adviser naming mainitin ang dugo'y inagahan ko sa pagbangon, goodluck na lang mamaya kay Sir Arnulfo. Pagdating sa eskwela, mangilan-ngilan pa lamang kaming nasa silid at bago dumating si Sir ay todo paghahanda ang ginawa ng kaklase ko upang hindi na magpasabog ng galit si Sir at halos lahat sa amin ay naging abala sa paglilinis ng silid subalit napalitan ng saya ang kaninang kabado ng ianunsyo ni Mandy na dalawang araw di makakapasok si sir sapagkat may seminar raw ito, gayunpaman ay nagkaroon pa rin kami ng activity. Sa oras naman ng TLE ay si Ma'am Sandra muli ang naghawak sa amin, bago magturo'y may mahalagang bagay muna siyang inanunsyo at sinabi na inaabuso raw namin ang kabaitan niya at pinangaralan pa talaga kami, maging si Ma'am Sandra ay nauubusan na ng pasensiya sa amin, paano ang titigas ng ulo ng ilan kong kamag-aral.

3c-a. Sa oras ng MAPEH ay ibinigay ni Ma'am Mina ang kanyang oras para makapagpraktis kami ng sayaw subalit jingle naman ang inensayo namin, bago umalis si Ma'am ay inanunsyo niya na bukas na gaganapin ang Mini Olympics hanggang Huwebes. Sa oras ng Filipino, pangkatang pag-uulat muli at si birthday boy Leonardo ang nag-ulat. Panay kantiyaw kami kay Leonardo pagkatapos mag-ulat at ang bait naman ni Jayvie Ann ng bilhan niya ng palabok si Leonardo, iniisip ko baka naman crush niya si Leonardo kaya niya ginawa iyon o sadyang marunong siyang magpahalaga sa lahat ng kaibigan niya. Nakakainggit lamang kasi at sana ganun rin ang mga kaibigan ko tuwing kaarawan ko, debut ko na pala sa susunod na taon. Sa oras ng English, si Ma'am Pascual muli ang naging guro namin. Ang sama ni Nathaniel sapagkat pinuri ko nga ang ngipin niyang bungal, biglang dumampi sa mukha ko ang magaspang niyang kamay at sa lakas ay halos mamaga na ito. Ininda ko tuloy ang sakit hanggang Physics.

3c-b. Pagkatapos magturo ni Sir Martin ay nagkaroon kami ng activity, perpect na sana ako kaso pumalpak pa sa sagot. Hindi muna kami umuwi sapagkat may practice kami subalit ang tagal ng leader naming si Pinlac kaya nag-antay pa kami. Isang oras na ang lumipas at naubos na ang papalabas na mga estudyante pero wala pa rin si Pinlac at umuulan na kaya nagpaalam na ako kay Ashley. Sa halip na payagan ay sinabihan niya akong huwag na raw babalik, di diwag at di na talaga ako bumalik. Pagkauwi sa bahay ay nananghalian ako at pagkatapos ay natulog. Biglang sumama ang pakiramdam ko kaya di na ko nagpunta pa sa practice at nagpahinga na lang. Kinagabihan, doon na ako nakaranas ng sinat subalit di ako pahalata kay Mama at pinapalabas na okey lang. Dahil di kagandahan ang timpla ko'y di ko ibinabad ng husto ang mata sa panonood ng telebisyon at kaagad ng natulog.


36 | 29 Dalawang pu't siyam na araw na lang bago magpasko. Malapit ng sumapit ang buwan ng Disyembre pero wala pang palamuting pampasko ang bahay namin, Hindi bale basta sama-sama kaming lahat tuwing pasko ay masaya na rin.



November 27, 2013
Wednesday

Year I-331

3c-c. Alas-kwatro ng umaga ako nagising subalit dahil di maganda ang pakiramdam ko at wala naman si Sir Arnulfo, Alas-singko na ako bumangon. Medyo matamlay ako at nanghihina subalit sinubukan ko pa rin pumasok. Pakiramdam ko'y parang hapong-hapo ako kahit di mabigat ang dalahin at gustong laging nakaupo. Mukhang magkakasakit marahil ako at magkakaroon ng trangkaso. Pagdating sa silid ay nag-eensayo na halos lahat sa mga kamag-aral ko para sa Jingle. Nanghihina ako ngayon kaya nakaupo lang ako at hindi ko inalintana ang saksakan ng ingay sa silid. Tumahimik lang ang paligid ng dumating si Ma'am Sandra at nagkaroon muli kami ng Hands on per group. Kainamang Poliquit na iyan at anu bang problema niya sa akin? May karamdaman na nga ako, pinagtitripan pa rin niya ako at sinabing umaakting lang ako sa sakit kong ito.

3c-d. Hindi ko na lang siya pinansin pagkat matamlay na matamlay talaga ako at wala sa mood. Bakit kaya nakakaranas ng gantong karamdaman, yung tipong hindi makakilos ng husto pagkat nanghihina ka, wala naman akong nabati sapagkat di naman ako layas. Bukod sa nanghihina'y giniginaw rin ako. Buti na lang at may Mini Olympics sa MAPEH kaya naging pagkakataon sa akin ang magpahinga ng maayos. Ako lang ang naiwan sa silid at wala akong ibang ginawa kundi magpalakas. Naging maingay muli ang silid pagkadating ng mga kaklase ko at bakas sa mukha nila ang enjoy, buti pa sila nakapaglaro pero ayos lang iyan, marami pang pagkakataon upang maging masaya.

3c-e. Sa oras ng Filipino'y nagkaroon kami ng activity, medyo nanumbalik na ang lakas ko kaya nagawang makipagkwentuhan kila Jenny mae matapos gawin ang activity. Sa oras naman ng English, si Ma'am Templanza muli ang naging guro namin at sinabi niyang siya na raw ang magiging guro namin hanggang March, ano kayang dahilan kung bakit di na si Ma'am Miranda ang magtuturo sa amin. Maya-maya’y oras na ng Math pero wala ulit guro kaya di nanaman naiwasan ng kamag-aral kong dumaldal. Sa oras ng Physics ay nagkaroon kami ng maikling pagsusulit, iba talaga kapag nakikinig ka kay Sir Martin kaso hindi ko pa limot ang naging atraso niya sa akin. Bago umuwi'y nagtungo muna kami sa Park upang mapraktis ng sayaw at dahil nagkawatak watak kami, di ko natagpuan ang ilang mga kagrupo sa Park.

3c-f. Naisipan kong umuwi na lang kaso kung kailan nasa bahay na ako nila Jacqueline at nakikipagkwentuhan sa mga kapatid ay biglang nagbago ang isip ko at bumalik sa Park. Nadatnan ko sina Ashley na nagpapraktis na ng Cha-cha. Kahit parehas kaliwa ang paa ko at di sanay sumayaw ng Folk Dance ay sinubukan ko pa rin, mahabang pasensya na lang ang pairalin ng ka-partner sapagkat mahirap akong turuan diyan pero di naman pala sapagkat madaling nakukuha ang steps, lakas ng loob lang pala ang kailangan para di ka mahirapan at huwag pababain ang tingin sa sarili. Nagpatuloy kami sa pag-eensayo at buti na lang at madali akong naturuan kaya di nabanas ang ka-partner ko. Mga Alas-dos na ako umalis ng Park at sa halip na dumeretso sa bahay, bumalik ako sa bahay nina Jacqueline upang kunin ang bag.

3c-g. Ilang buwan ko na siyang di nakakausap kaya kamustahan kami at ikwinento namin sa isa't isa ang tungkol sa high school life at talagang napasarap ang aming kwentuhan kaya napatagal ako. Nang mapansing nagbabadya ng umulan, nagpaalam na ako sa kanya at magkita na lang sa susunod na araw, daldal kasi ni Jacqueline kaya inabot na ako ng Alas-kwatro sa pag-uwi. Sa nilayo-layo ng nilakad ko, nakaramdam ako ng matinding pagod at panghihina kaya di na ako nakakain pa. Kinagabihan ng mabawi ko ang sapat na lakas at nagtungo sa tindahan nila Aling Nenita upang bumili ng poster color. Pagkauwi’y sinimulan ko ng kulayan ang figurine ng Angel subalit di ako satisfied sa konsepto ng kulay kaya aalisin ko ang kulay bukas, sayang ang effort sa pagpipinta kung di naman kagandahan ang kalalabasan. Sumapit na pala ang ikalabing-isa ng gabi kaya natulog na ako.


35 | 28 Dalawang pu't walong araw na lang bago magpasko.



November 28, 2013
Thursday

Year I-332

3c-h. Gusto pang matulog ng katawang lupa ko ng matagal pagkat inaantok pa pero kinabukasang kay ganda ang nakasalalay kaya maaga muli akong nagising. Kasabay ko muki si Regine (Cebrero) sa pagtungo sa eskwela at magandang kasama si Regine dahil kapag may nakikita siyang may nagmomotorsiklo, sumasakay ito at siyempre di naman pwedeng iwanan ako kaya nakakasakay ako sa motor at dahil diyan kaya menos gastos sa pamasahe. Tapos na ang maliligayang araw namin sapagkat babalik na si Sir Arnulfo. Kung anong kinasungit niya nung nakaraang araw ay di pa rin nagbago at mas lalo pa ngang lumala. Grabe si Sir at di magaganda ang naging trato niya sa amin, madalas pinagtataasan pa kami ng boses habang nagtuturo. Kawawa si Morley kay sir pagkat ng tawagin ito at di makasagot, pinagmumura di umano niya ito. Para tuloy siya na ang maituturing kong pinaka-terror na teacher na nakilal at dinaig pa niya si Sir Sellona kung magalit.

3c-i. Doon ko naisip, kapag bakla ang 'yong guro, masama palang magalit. Sa oras ng TLE, sa computer laboratory kami nagklase. Doon naglabas na ng hinanakit ang ilang kong kamag-aral laban kay Sir at sumusobra na raw siya. Kahit sabihin pang pagiging batugan namin ang dahilan kung bakit siya nagkakaganito'y wala siyang karapatang saktan ang damdamin namin. Dapat sa gurong iyan, sinusumbong sa DepEd. Sa oras ng MAPEH, nagkaroon kami ng Mini Olympics at grupo namin ang magpapalaro pero bago iyan, nagpakita muna ng cheer ang iba't ibang kalahok. Tawanan kami ng aksidenteng malunok ni Nathaniel ang candy rapper na ibinalot sa ngipin niyang kulang kulang, marahil karma na niya iyon sa nangyaring pagsampal sa akin.

3c-j. Sa halip na enjoyable ang palaro ng kagrupo namin, nauwi lamang sa wala at agaw buhay pa sa oras kaya ang championship round ay sa Lunes na lang, sayang ang hula hoop na ginawa nina Ashley na gagamitin sa susunod na palaro, palpak ang games namin at kung sa bagay sila ang may kasalanan diyan. Sa oras ng Physics, ipinagpatuloy namin ang pagrerepaso at sa oras ng English ay nagkaroon kami ng Bingo card competition kaso walang gawang Bingo card ang ni isa sa mga kagrupo ko kaya nganga kami. Sa oras ng MATH, nagbunyi ang mga kamag-aral ko ng ianunsyo ni Sir Harren na maaga ang uwian bukas pagkat may fire drill kami. Kaagad na umalis si Sir Harren matapos niyang mag-anunsyo at sinamantala ng ilan kong kamag-aral ang nalalabing oras para magpraktis.

3c-k. Sa oras ng Physics, tuloy ang pagrerepaso namin at magkakaroon ng test. Kahit batid kong may practice kami at dala ng kumakalam na ang aking sikmura'y minabuting umuwi muna. Pagkakain ay nagtungo ako sa Park at nadatnan ko sina Ashley na naglalaro. Maya-maya pa'y nagsimula na kaming magpraktis. Nakukuha ko ang steps na tinuro kahapon subalit ng sumunod ay hirap na akong makuha pa, yung ka-partner ko'y parang kandila na ang pasensiya na nauupos na. Kalagitnaan ng aming pag-eensayo ng bahagyang dumilim at nagbabadyang umulan. Ilang saglit pa'y bumuhos na nga ang ulan, buti na lang at may dala akong payong at itinigil na namin ang pag-eensayo.

3c-l. Habang bumubuhos ang ulan ay nag-agawan kami ni Jayvie ann sa iisang payong, babae naman siya at kahit pusong tsaring ay nagpaka-gentleman ako. Mistulang binasang sisiw ako pagdating sa bahay at dala ng antok, natulog ako. Pagkagat ng dilim ay nagtungo ako sa bahay nila Cathy upang manghiram nglong sleeve na gagamitin sa sayaw. Laking pasalamat ko pagkat nakahiram ako kaagad. Maya-maya’y halos di na namin marinig ang aming pinapanood sa ingay ng mga bata. Sinasaway mo nga pero lalo silang kumukulit kaya ang ginawa ni Mama, nagsalok siya ng tubig at binantaan ang mga batang bubuhusan, takbuhan sila at kahit paano nabawasan rin ang ingay. Matapos manood ng telebisyon, natulog na ako. Goodluck to me tomorrow.


34 | 27 Dalawang pu't pitong araw na lang bago sumapit ang Pasko.



November 29, 2013
Friday

Year I-333

3c-m. Ngayong araw ang pagpapakitang gilas namin sa pagsayaw ng folk dance at kahit sa oras pa ng MAPEH pa iyon gaganapin ay di ko na maiwasang kabahan, lalo na sa isang kagaya kong bali-baliko at mali-mali kung sumayaw, kinakatakot ko lang sapagkat baka ako pa ang maging mitsa ng aming paglagapak, huwag sana mangyari iyon and I will do all my best. Alas-kwatro pa lamang ay nagising na ako at bago pumasok, inihanda ko na ang costume na susuotin para sa aming performance. First time ko lang sumayaw ng folk dance sa tana ng buhay ko kaya ang kaba sa dibdib ay di na matanggal. Kami-kami pa lang ang nasa silid pagdating ko. Makalipas ang ilang sandali'y nadagdagdagan pa kami at kasabay nito ang pagbulusok ng ingay. Habang di pa dumarating si Sir Arnulfo'y kanya-kanyang ensayo ang iba't ibang grupo at mistulang mayparty sa silid dahil sa samu't saring mga awiting pangsayaw ang maririnig hanggang sa mauwi na nga sa kasiyahan ang kaninang seryosong pag-eensayo.

3c-n. Pulasan kami ng takbo pabalik sa sariling kinalalagyan nang dumating si Sir at di pa rin nagbabago ang trato niya sa amin na madalas ay nakakapagsalita ng di maganda kapag di nakasagot ang estudyante o pinapahiya pa niya. Sa aking pakiwari, hindi ko maintindihan si Sir Arnulfo kung bakit niya kami ginaganito, parang ang laki ng galit niya sa amin. Dala ba ito na mayroon siya o baka naman may nagawa ang ilan kong kamag-aral na di niya nagustuhan? Maya-maya pa'y sumunod na dumating si Ma'am Fabiana at dahil buwan na ng Values sa pagpasok ng Disyembre, pinagawa niya kami ng tag na may kinalaman sa birtud at lagi iyon isusuot sa kwelyo. Sa bait ni Ma'am Fabiana, ibinigay niya ang natitira niyang oras sa amin upang makapagbihis at makapaghanda sa MAPEH. Habang nagbibihis ay iniisip kong matutuwa ba sila sa kasuotan ko o baka pagtawanan lang, anumang minuto'y makikita na nila akong sasayaw ng folk dance kaya doble na ang aking kaba.

3c-o. Naka-dress at gown ang kasuotan ng mga kababaehan samantalang polo with necktie ang long sleeves sa lalaki, mistulang may Valentine's party sa silid. Ilang sandali pa, nagsimula na ang Performance. Naging maganda at sabay-sabay ang naunang grupo at ng kami na ang nakasalang, iniiwasan ko ang magkamali upang wala silang masabi at nilakasan ko ang loob, di ko lang batid kung ano ang masasabi ng ka-partner ko. Nakahinga lang ako ng maluwag ng matapos kaming sumayaw at pakiramdam ko'y nalagpasan ko ang hiya. Sa mga sumunod na grupo, doon na kakikitaan na may problema na sila sa step at di pa makasunod ang iba, pasalamat ako at di nila napansin ang kaunti kong pagkakamali. Nang makapag-perform na ang lahat, kuhaan ng litrato ang sunod namin ginawa para may mai-post sa Facebook.

3c-p. Buti na lamang at hinayaan kami ni Sir Velarde na gawin ang gusto naming gawin kaya party-party kami at ang iba naman ay abala sa paggawa ng poster. Natigil lang ang kasiyahan nang dumating si Ma'am Pascual at may inanunsyo. Sinabi niyang mame-meet raw namin ang adviser namin bago umuwi. Ilang sandali pa, dumating na si Sir Arnulfo at inutusan niya kaming maglinis ng classroom. Pagkatapos maglinis, nanermon muli sa amin si Sir subalit di naman nagtagal. Nasa pisara si Sir Arnulfo kaya hindi makapag-ingay ang mga kamag-aral kong kating-kati na at nakakabingi ang katahimikan sa loob ng silid at sana lagi na lang ganito kahit walang guro. Nakaupo na kaming lahat pero itong si Denzel ay pinaglalagay pa ni Sir ng floorwax na naka-gown pa.

3c-q. Maya-maya’y biglang napahagulhol si Denzel at pinatigil na siya ni sir sa pagplo-floorwax. Hindi naming inasahang magiging ganung katapang si Denzel at mangiyak ngiyak na sinagot si Sir Arnulfo at nasa katwiran siya. Doon na nagsimulang magsalita si sir at ibinuhos sa amin ang lahat ng kanyang hinanakit. Di pala katamaran ang ugat kundi pagseselos ang dahilan kung bakit ganyan siya sa amin sapagkat masipag raw kami sa ibang subject tulad ng MathScience at MAPEH pero pagdating raw sa subject niya'y ipinagsasawalang bahala lamang, bukod pa dun, sa tuwing nakakasalubong raw namin siya'y di namin pinapansin o binabati at minsan di daw pumapasok sa subject niya kapag nahuhuli.

3c-r. Napakarami niyang hinanakit sa amin at kahit sino naman maski ako ay magiging ganun ang reaksyon. Tumunog na ang bell hudyat na fire drill na pero mukhang ayaw pa kaming palabasin ni Sir. Mabait si Sir pero sagad pala sa buto kung magalit. Pinalabas niya naman kami pero naiwan si Mandy at Denzel. Pagdating sa bahay, kaagad akong nananghalian. Maya-maya’y natulog na ako. Kinagabihan, naging maingay muli sa labas dahil sa mga paslit na pinababayaan ng magulang, si Mama naman panay ang pagsasaway at ng mapunta ang bola sa bakuran, di na namin binalik at bahala sila. Ilang saglit pa'y pumayapa na ang paligid at naging panatag ang pagtulog ko.


33 | 26 Dalawang pu't anim na araw na lamang bago sumapit ang pasko.



November 30, 2013
Saturday
(Bonifacio Day)
Year I-334

3c-s. Huling araw na para sa buwan ng Nobyembre at Disyembre na kinabukasan, hudyat na papalapit na ang Pasko subalit ni pamaskong palamuti o pamaskong pampailaw ay wala pa kami, kapos kasi sa pera pambili ng mga iyan at mas uunahin pa namin ang lahat ng pangangailangan. Buti pa ang kapitbahay, tuwing sasapit ang gabi'y nangniningning ang kanilang bahay dahil sa kumukititap na mga Christmas lights samantalang walang kabuhay-buhay ang aming tahanan sa dilim, kakainggit naman. Taon-taon na lang kaming walang dekorasyon pero masaya pa rin ang Pasko namin dahil may handa kami at sama-sama, dama ko na ang malamig na panahon kung kaya't nagtaklob pa ako ng makapal na kumot. Mga bandang ikawalo na ng umaga ako nagising at kumain ng mainit-init na lugaw upang maibsan ang lamig na bumabalot sa katawang lupa ko.

3c-t. Pagkatapos at dahil walang magawa'y naglinis ako sa loob ng bahay, sumunod ay paglalaro ng Tablet ang inatupag ko hanggang sa magtanghali, nakakaadik kasing maglaro ng Tablet kaya di ko mapigilan ang sarili kapag hawak ko na ito. Naging makulimlim ang panahon at may pagbadya pa ng pag-ulan kung kaya't hindi magandang pagkakataon upang maglaba. Kahit pa-relax-relax lang sa komportableng upuan habang kinukulwit ang hi-tech na gadget, nakaramdam ako ng gutom kaya ng makaluto si Mama ng lalamunin, on the spot ako sa pagbanat at pagkatapos ay matutulog. Mga ikalawa na ng hapon ako nagising at ingay ng mga tsikiting sa labas ang bumasag sa masarap kong tulog.

3c-u. Nanood ako ng Showtime at ang gagaling bumirit ng mga kalahok sa Stars on 45, kahit may edad na ay kaya pa ring awitin ang mga latest song na kinababaliwan ng mga kabataan ngayon, nakakaaliw tuloy sila at kung may boses lang ang mga magulang ko, malamang magkakapera kami pagkat boses ang puhunan upang umasenso. Ako sana kaso apat na pu't limang taong gulang pataas lamang ang kinukuha, sayang at di nila mauulinig ang pamatay kong ginintuang tinig. Kinagabihan, ang kapaligiran nga namin ay sadyang napakaingay at parang wala ng katahimikan. Habang nanonood ako ng telebisyon ay may biglang tumawag sa akin.

3c-v. Sina Regine (Cebrero) pala iyon at inaanyayahan nila akong sumama sa kanila sa gayak para sa Horror House, tapos na ang Halloween season subalit gusto kong makaranas ng katatakutan na may halong saya kaso hindi sapat ang kwarta ko pambayad sa entrance kaya di ako pumayag. Bago matulog at dahil di pa dinadalaw ng antok ay naglaro muna ako ng Tablet. Sumapit na ang ikasampu ng gabi pero dinig ko pa rin sa labas ang ingay at parang walang natatakot sa curfew. Bahagyang tumahimik ang paligid ng umambon at sana umulan na para di na sila makatambay pa pero ng tumila ang ambon, heto muli ang kakabingi at kakarindi sa pandinig na ingay, panay pa ang kata, di naman pinagpala ang boses. Ilang saglit pa'y narinig ko ang kanilang pagtakbo, may barangay tanod na palang nanghuhuli at ipinagpapasalamat ko pagkat bumalik sa kapayapaan ang paligid, natulog akong may kapanatagan ang loob.


32 | 25 Dalawang pu't limang araw na lang bago sumapit ang Pasko at December na bukas.