Lunes, Setyembre 30, 2013

09. September 2013 Journal (Day 244-273)

September 01, 2013
Sunday
Year I-244

2P-H. Hindi pa rin nawawala ang karamdaman sa katawan at medyo nanghihina pa subalit ang matinding hilong naranasan kagabi na halos ikatumba ko na'y parang bulang naparam at huminto na rin ang pagsusuka. Kahit dilat na ang dalawang mata'y di pa rin magawang bumangon sapagkat masama pa ang timpla ko. Bumangon lamang ako mula sa pagkakahiga ng tawagin ni Mama at nag-almusal. Mainit na Lugaw ang aking naging almusal upang malamanan ang sikmurang kagabi pang walang laman gawa ng pagkaduwal. Matapos kumain ng lugaw ay bumalik ako sa kama. Ngayong araw rin ang kuhaan ng card at kamusta kaya ang lagay ng aking grade, mataas kaya o mababa? Ayos lamang na di kagandahan ang makukuhang, kuntento na ako roon, huwag lang mamantsahan ng palakol.

2P-I. Alas-dyis ng makabalik ang Mama Matapos kuhain ang card. Marubdob na kaba ang kaagad na gumuhit sa aking damdamin sapagkat anumang oras o minuto lang ay masusulyapan ko na ang bunga ng aking napaghirapan subalit hindi kagandahan sa paningin at hilaw pa. Matatamlay ang ilang grado sa asignatura at mayroon ring sakto lang. Ang kakapanghina pa ng loob, nawawala pa ang isang bungang napaghirapan, marahil ay di pa hinog at iyon ay sa TLE. Ikinuwento ni Mama sa akin na nakausap niya si Sir Balbin at kaya raw bungi ang marka sa TLE sapagkat sobrang baba raw ang nakumpyut niya, sa katunayan ay lagpak ang grade ko sa TLE.

2P-J. Baka iyon pa ang maging mitsa kung bakit mahihirapan akong makapagtapos na huwag sanang mangyari. Satisfied na rin ako, atlis out of eight subject ay isa lamang ang lagpak. Gagawan na lamang ng paraan. Gagalingan ko na lang sa ikalawang markahan. Ang pagkukwento ni Mama'y biglang napadako tungkol sa pinaggagawa ko raw sa eskwelahan. May isang kaklase ko ang nakapagsabing madaldal raw ako at Panay kwentuhan pa raw sa katabi, di raw nakikinig sa turan ng guro at pati pagkatao ko'y pinakelaman, bagay na lubos kong ikinamuhi at kala kung sinong makahusga, di naman perpekto. Yamot ang naramdaman ko kung sinuman ang nagsabi. Nahulaan ko lamang kung sino siya ng ilarawan ni Mama ang pisikal na anyo niya. Katamtamang taas, madami raw tigidig sa mukha at lalaki. Bwisit talaga yung nagsabi nun!

2P-K. Kapag siya di hamak na mas maugong ang boses kung manalita na halos ikabingi ko na tapos kung makatsismis, parang ang tahimik niya, hiya naman siya sa mukha niyang tadtad ng tigidig. pinipigilan ko na lang ang sarili sa emosyon at idinaan na lang sa pakikinig ng tugtog upang mabawasan ang pagkabwisit ko. Mismong magagandang awitin pa ang nagpakalma sa akin at nagpatulog. Malakas na buhos ng ulan ang gumising sa mahimbing kong tulog. Buti pa ang mga ligtas sa sakit, malayang nakakaliwaliw sa ulan samantalang ako, nakaratay sa higaan na parang walang muwang. Idinaan ko na lang sa pagbabasa ng world atlas at panonood ng telebisyon upang tanggal bato. Hindi ko dinamihan ang kain ng hapunan at baka magsuka nanaman subalit hindi naman nagsuka. Bago matulog ay inom muna ng niresetang gamot. Another bato nanaman ang ipapasok sa bibig. Wala akong ibang ginawa sa maghapon kundi magpahinga upang gumaling.


September 02, 2013
Monday

Year I-245

2P-L. Labas nanaman ng maraming kwarta mula sa pitaka ang mangyayari sapagkat follow up check-up muli. Sa katunayan, naawa na ko sa magulang ko na walang sawang gumagastos, maipagamot lamang ako. Marahil ay wala ng naitatabi si Papa na pera para sa kanyang sarali dahil napunta na lahat sa akin. Kakambal na talaga ng sakit ang gastos. Si Mama naman, panay sermon sa akin at sumbat, pinabayaan ko na lang siya at hindi hinayaang dibdibin kung anuman ang bukambibig, tama naman kasi siya. Ikawalo na ng umaga ng tumulak kami patungong UST. Pagdating sa UST, sangkaterbang estudyante ang nadatnan namin, siyempre Lunes. Parang ang sisigla nila at kakatuwang pagmasdan. Nagpatuloy kami hanggang sa makarating sa clinic. Di pa nun dumarating si Doctora Dacayan kaya makailang saglit pa kami nag-antay.

2P-M. Kaagad naman itong dumating at ng tawagin ay diretso pasok na ko. Inilahad ko ang lahat ng nararamdaman ko at tuwa ang umiral sa dibdib ng sabihin ng Doktora na nag-improve na. Dahil gumagaling na, di na nagreseta pa ng gamot subalit sinabi ng doctora na dahilan ng pagkakaroon ko ng sakit ang infection sa dugo na dulot raw ng taglay na plema. Plema pala ang dahilan ng pagkahilo ko at pagsusuka, bagay na ipinangamba ko at baka anung sakit pa ang idulot ng plema. Dala ng kumakalam na sikmura ay kaagad kaming tumungo sa restaurant matapos magpakonsulta. Kuhaan kami ng litrato ni Mama habang nasa hapagkainan. Maya-maya’y naisipan naming magtungo sa Court of appeals, kung saan nagtatrabaho si Papa upang humingi ng pera.

2P-N. Habang nasa biyahe'y nakaramdam nanaman ng pagkahilo, tikom ang bibig ko kay Mama subalit hindi ko na nailihim pa sapagkat pagdating namin sa Court of Appeals ay hindi ko na napigilang masuka. Halos maubos ang kinain ko sa dami ng naisuka at nahihilo pa rin ng lagay. Mainit sa Maynila at mapolusyon kaya humanap kami ni Mama ng lugar na kung saan sariwa ang hangin. Naupo katabi ng Narra habang hinihintay si Papa. Pagdating ni Papa'y kaagad kaming lumapit at nanghingi ng pera. Bahagyang naibsan ang aking pagkahilo kaya pagkabigay ng pera'y kaagad kaming nagtungo sa painting shop, kung saan nagnenegosyo ang Tito Larry doon sa Malate. Panay ang tanung sa akin ni Mama habang nasa biyahe kami at kahit napakaalinsangan ng panahon, hindi na nanumbalik ang pagkahilo ko.

2P-O. Pagdating sa painting shop, maligalig na boses na parang may pananabik ang sumalubong sa amin, paano ay Grade 5 pa ko ng huli kaming gumawi doon at limang taon na ang nakakaraan kaya tuwa sila sa galak ng makita kaming muli. Sinabi nilang laki na ng pinagbago ko kumpara ng huli kaming magkita at halos di na nga nila ako makilala. Habang masayang nag-uusap si Mama at Tito Larry, sa dami ng iba't ibang painting na naka-display ay nagtingin-tingin ako. Nabighani ako sa ganda ng mga painting at napaka-creative ng gumawa, detelyado kasi ang bawat anggulo at talagang hindi iisiping basta drawing lang pagkat parang totoo. May painting akong nagustuhang ipauwi subalit sa lapad nito, hindi ako pinagbigyan ni Mama. Ng makakuha si Mama ng dalawang painting ay kaagad na kaming umalis.

2P-P. Nakaramdam ako ng antok kaya pagbalik sa Court ay pansamantalang umidlip. Kakabato at puro matatanda ang kasama mo dun kaya matapos matulog, naglibot-libot ako. Marami ng establishment ang nakatatag na dati'y wala pa at walang takot kong pinasok kahit may gwardiya. Ng magsawa sa paglilibot ay naupo ako saglit sa fountain. Malapit ng mag-ikalima ng hapon ng maisipang umuwi. Balak pa sanang bumaba ng Quiapo upang bumili ng jogging pants subalit magdidilim na. Pagkababa ng bus ay nag-grocery pa kami at bumili ng Mami. Sige ako sa lantak ng mainit-init na Mami pagkauwi at ng maumay, hindi ko na inubos pa't baka magsuka. Manonood pa sana ng paboritong programa subalit bawal daw akong magpuyat kaya maaga akong natulog.



September 03, 2013
Tuesday
Year I-246

2P-Q. Mukhang napasarap ang tulog ko kaya mismong si Mama na ang gumising sa akin sa halip na magkusa. Pupungas-pungas ako kaya ginawa ko ang lahat, mawala lang ang antok. Bago pumasok ay uminom muna ako ng gamot upang di nanaman sumpungin ng hilo mamaya. Maginhawa naman ang pakiramdam ko at para ngang di ako galing sa sakit. Sa halip na makipagdaldalan sa katabi at baka itsismis nanaman ng isa ay nagrepaso ako pagkat may pag-uulat kami. Tibay at lakas ng loob ang pinairal ko ng kami na ang nakatoka sa pag-uulat at ginalingan ko. Parang nabunutan ako ng tinik sa lalamunan matapos mag-ulat. Sabi-sabihin kay mama na maingay daw ako sa klase subalit kung makipagkwentuhan kina Jona Mae, Rommel at Pradez, parang daig pa ang babaeng talak ng talak. Di na ko umimik pa't gulo pa ang abutin.

2P-R. Sa totoo lamang ay kumukulo ang dugo ko sa kanya, naturingan pa namang Bise presidente. Dahil lagpak sa TLE, todo pakinig ang ginawa ko habang nagtuturo si Sir Balbin. Dahil may libre raw pa-shampoo upang tangkiliking bilhin ang kanilang product ay nagtungo kami sa covered court. Hindi ako nagpa-shampoo sa takot na baka sipunin, bumalik na lamang ako sa silid kasama sila Jenny mae. Wala doon si Ma'am Mina samantalang naglalaro ng Chess ang kaklase kong lalaki kaya kwentuhan kaming magkumare. Yaman at nag-uusap pa man din kaya ibinuhos ko sa kanila ang lahat ng hinanakit at yamot na nanghusga sa pagkatao ko.

2P-S. Sa tuwina kasing makikita siya, halos pumutok na ang ugat ko sa sobrang kulo ng dugo at parang gusto ko na siyang hambalusin ng troso subalit isinalang-alang ko ang ilalagi ko sa eskwela kaya napigilan ko ang sariling ngitngit sa galit. Sumang-ayon si Jenny mae sa kwinento ko at sinabing maski siya'y bwisit na rin sa taong iyon, mapagmataas at kala kung sino raw mambara. Kung nagkataong may kapangyarihan ako sa loob ng klase'y malamang ipapatanggal ko na siya sa kanyang tungkulin. Isa nga siya sa officer subalit mas inuuna niya ang pakikipagtalakan kaysa magsaway, ang harot-harot pa. Pumasok naman si Sir Velarde subalit nasa covered court ang karamihan sa aking kamag-aral kaya gala-gala muna kami. Halatang nagpa-rebond ang kaklase ko at humahalimuyak ang buhok na tila bagong ligo sa bango pagbalik nila at walang teacher sa oras ng English. Nagkaroon ako ng time na kausapin si Jarito tungkol sa aming project sa Physics.

2P-T. Napagkasunduan namin na sa bahay ko gagawin ang project. Lahat ng gustong gawin ng kamag-aral ko, nagagawa na nila, ang iingay at ang gugulo pa. Habang walang teacher ay gumawa na ko ng assignment sa Math at Physics. Tumigil lang ang aking kamag-aral sa pag-iingay ng dumating si Sir Harren at nag-lesson. Sa oras naman ng Physics ay nagkaroon kami ng gawaing upuan. Naging pahirapan sa akin ang mag-solve pagkat wala akong alam sa ni-lesson nila kahapon. Habang matahimik ang klase'y nagpaturo ako kay Sir Martin. Nasagutan ko naman ang seatwork dahil kay Sir Martin. Pagkauwi’y kasama ko si Jarito.

2P-U. Pagdating sa bahay ay nagpakuha kami ng litrato kay Mama kasama ang itinanim na kamatis. Matapos magpakuha ng litrato, isineyb na namin ito sa computer at ini-edit. Nagtagal pa si Jarito sa bahay namin at sa amin na rin siya kumain. Matapos gawin ang proyekto sa Physics ay pinauwi ko na si Jarito. Hindi ako nakanood ng Muling buksang puso kaya nag-tune in ako sa Iwantv at nanood. Matapos manood ng palabas ay natulog na ko. Naging napakaalinsangan ng panahon sa maghapong ito kaya pagsapit ng gabi ay umihip ang malakas na hangin. Inakalang Ber months na kasi mahangin subalit nagkakamali ng palagay pagkat uulan pala. Puro kulog at kidlat lang naman, di na tuloy ako nakanood ng telebisyon at piniling matulog na lamang.



September 04, 2013
Wednesday
Year I-247

2P-V. Alas-tres pa lamang ng magising ako. Hindi na ko inaantok pa kaya bumangon na at nag-almusal. Diretso ligo kaagad matapos mag-almusal. Sunod na nagising ay si Mama at nagwalis ito. Pagkagaling ng banyo, nagbunganga nanaman si Mama at sinabing di ko raw pinunasan ang likod. Pinunasan ko ang likod subalit pagkalabas ng kwarto'y umaalingawngaw na tinig muli ang naulinig ko't kala naman ay nagsisinungaling. Kahit anung paliwanag ko'y hindi pupwede sa kanya at sinasabing puro palusot raw ako. Sa puntong iyon ay nasagot ko na siya. Hindi pa nakuntento at isinumbat pa sa akin ang lahat ng ginastos nila nung nagkasakit ako tapos ipapalabas pa na ako pa ang matapang. 

2P-W. Sinabihan niya ko ng masasakit na salitang tagus-tagusan sa dibdib at halos ikadurog na rin ng puso. Sabi pa niya, puro raw ako perwisyo at wala raw naitutulong, bagay na lalo pang ikinasama ng loob at dapat ay hinayaan na lang daw malagutan ng hininga. Kung iyan lang ang isusumbat niya sa akin, di sana'y hindi na lang niya pinagamot. Kala kung sino magsalita at napakarami niyang sinasabi, pati ang pagpapapunta ko kay Jarito na walang kinalaman ay nilagyan ng malisya, lahat ng bagay na ginawa ko'y dawit din at parang naghahanap siya ng butas at ipalabas na masama akong anak, masama na kong anak at kanino ako nagmana kundi sa kanya! Muntik na tuloy akong nahuli sa klase dahil sa pag-aaway namin. Bwisit siya at kala kung sinong makapagsalita, hindi niya ko pag-aari kahit dugo't laman ang mayroon ako sa kanya!

2P-X. Yaman at wala na kong binatbat sa mundong ito'y dumating na sa puntong ibig ko ng magpatiwakal subalit pinigilan ako ni Jayvie Ann at pinayuhan. Sa oras na ako'y sawing sawi'y si Jayvie Ann ang naging sandalan ko't naging bukas siya sa akin. Ang kinikimkim na sama ng loob dahil sa sinabi ng Mama ko'y nabawasan. Lalo pa kong sumigla ng ikalawang asignatura na kaya nakapag-concentrate pa ko sa pakikinig kay Sir Balbin. Tama si Jayvie Ann, gawin mo lang ang bagay na nakakapagpasaya sayo kapag may problema ka, kaya tumabi ako kina Jenny Mae ng MAPEH time na. Hindi pumasok si Sir Velarde sa oras ng Filipino. Kailangan ko nun ng kausap at karamay kaya lagi akong nakadikit kila Jenny Mae kahit saan sila magpunta. Sinabi ko na rin sa kanila ang lahat ng saloobin ko. Sa ingay ng kamag-aral ko'y lahat ng gusto kong sabihin ay hindi ko magawa at nagmukmuk sa iisang tabi, nag-e-emote at malalim ang iniisip. 

2P-Y. Wala ring Teacher sa oras ng English at sa oras naman ng Math ay may long test kami. Hindi ako panaig sa emosyon ko at piniling mag-concentrate sa pagsasagot upang di bumagsak. Sa oras ng Physics ay ipinasa na namin ang project at nagtsek ng seatwork. Balak pa sanang kila Jenny Mae ako dumeretso sa halip na umuwi subalit sakit ng tiyan ang pumigil sa balakin. Kasabay ko si Ivanna sa pag-uwi at kahit sumasakit ang tiyan ay nagawa ko pa rin makipag-usap sa kanya. Diretso banyo kaagad ako pagkauwi at ng mailabas ang lahat ng tinatagong sama'y nagtungo ako sa bahay ni Lovely sapagkat may group report kami bukas sa AP. Nandoon na ang kagrupo ko pagdating sa kanila. Ka-partner ko si Jayvie Ann sa pag-uulat at panay research kaming dalawa sa internet subalit hindi masumpungan.

2P-Z. Puro lampungan lang naman ang ganap at hindi nagsiseryoso, umalis na lamang ako at nagtungo sa computer shop upang mag-research. Wala talaga kahit anung gawin ko kaya nanood na lang ako ng Iwantv. Nang mag-time-out ay umuwi na ko subalit sa di inaasahang pangyayari'y bigla nanamang sumakit ang tiyan ko. Dali-dali ako sa paglalakad at sa takot na maabutan, kahit nahihiya'y lakas loob akong pumuslit sa bahay nila Tita Jean at sa banyo na nila dumumi. Saktong pagkalabas ng banyo'y paparating sila Tita Jean. Nagsabi ako ng totoo sa kanila at nauunawaan naman niya yun. Baka raw nabati ako kaya nagsusuka at nagdurumi ako. Nanatili pa ko sa kanila ng isang oras at maya-maya'y umuwi na. Kahit nandoon si Mama'y nagawa ko pa rin pumasok at di ko siya pinansin. Nagkabisado at ensayo na lang ako ng sasabihin bukas sa report upang hindi magkalat. Sayang ang buhay ko kapag magpapakatiwakal kaya tuloy ang buhay kahit anong problemang dumaan.



September 05, 2013
Thursday
Year I-248

2Q-A. Dakong Alas-dos pa lang ay gising na ko subalit umidlip muna. Malapit ng mag-ikaapat ng umaga ng bumangon at hindi na hinintay pa si Mama upang magpaluto. Malaki na ko kaya lahat ng bagay ay di na dapat iaasa sa kanya at baka isumbat pa iyan sa akin iyon. May pangkatang pag-uulat ngayon sa AP subalit ni katiting na kaba'y hindi ko naramdaman, marahil ay handa na kong humarap sa kanila at sanay na rin marahil. Madilim-dilim pa lang sa labas ng makaalis ako sa bahay. Pagdating sa eskwela'y wala pang ilaw subalit nadatnan ko si Leonardo, nag-aayos ng upuan sa dilim. Sinabihan ko siyang buksan ang ilaw. Tinulungan ko siyang mag-ayos ng upuan ng magkailaw at ipinagpatuloy ang pagkakabisado pagkatapos. Ilang sandali'y dumami na kami at habang wala pa ang presensiya ni Sir Arnulfo'y puspusan na ang mga kaklase ko sa paghahanda.

2Q-B. Ang iba pa nga'y natataranta na. Nagsibalikan lang sa kanya-kanyang upuan pagdating ni Sir at nagsimula na ang pangkatang pag-uulat, doon lamang ako kinabahan subalit nilabanan ko iyon. Nang kami na ang nag-uulat, kahit sabihing sanayan lang iyan ay di mo pa rin maiwasang kabahan. Nakapag-ulat naman ako kahit kinakabahan at napalitan ng saya ang kaninang kabado sapagkat kami ang nakakuha ng pinakamataas na marka. Sa oras naman ng TLE ay nag-demo si Sir Balbin kung paano tatanggalin at ibabalik ang lahat ng components sa loob ng CPU. Todo pakinig ako sa kanya sa takot na muling bumagsak. Wellness dance practice muli sa MAPEH at hirap ko pa rin makuha ang steps, naupo na lang ako sa isang tabi. Wala si JessaJobil at Noemi kaya kami lang ni Jenny mae ang magkausap.

2Q-C. Sa ingay ng kamag-aral ko ay halos di na kami magkarinigan kaya pasigaw na kami kung mag-usap. Hala patay kaming dalawa sapagkat may poster making pala kami sa Physics at wala kaming dalang materials. May pagmamadali tuloy kaming bumili ng cartolina. Bukod sa amin ay marami-rami rin ang hindi nakapagdala kaya suguran sila sa school supply, si Sir Martin naman, muli nanamang sumabog sa galit at nanlaki ang boses, takot tuloy kami. Kahit di marunong mag-drawing ay sinubukan ko pa rin at may time limit sa paggawa kaya sobrang na-pressure ako. Nang matapos ang oras, tapos o di tapos ay kailangan ng ipasa ang ginawang poster making. Ang gaganda ng ginawa ng mga kaklase ko at colorful pa samantalang walang dating sa akin. Hindi nanaman pumasok si Ma'am Miranda kaya mistulang palengke muli ang silid. Maski si Sir Harren ay di rin dumating kaya dalawang oras na naging maingay ang classroom, pumasok pa ko at halos wala namang gagawin.

2Q-D. Sa halip na makipagdaldalan dahil namamaos ay nag-soundtrip na lamang ako. Pumasok naman si Sir Martin sa oras ng Physics at nakaroon ng group activity. Kakatawang isipin sapagkat ang suot ko palang jogging pants ay taliwas. Buti at wala pang nakakakita kaya bago mag-uwian ay inayos ko ito, mahirap na at baka pagtawanan pa ko, nakakahiya. Nagtungo muna ako kasama si Jenny Mae kila Noemi. Nandoon ang masiyahing Mudra ni Noemi kaya ang hinahanap na saya'y nasumpungan ko sa kanya at grabe parang nabura sa isipan ang problema ko dahil sa kanila. Maya-maya’y dumating pa si Jessa, si Jobil na lang ang kulang at kwentuhan kami.

2Q-E. Nang mapunta ang pag-uusap tungkol sa pakikipag-away, hindi na ko sumali pa at umalis. Saktong kumukulog at kumikidlat kaya dali-dali akong umuwi at baka maabutan ng ulan. Pagdating sa bahay, nagtalukbong ako pagkat may phobia ako sa dalawang penomenang iyon. Ilang sandali'y bumuhos na ang ulan. Natulog na lang ako habang umuulan. Sa kadahilanang hindi nakapananghalian, nagutom ako at humanap sa refrigerator ng malalantakan. Busog much ako matapos lumamon at nagkumpyuter. Medyo paos pa rin ako kaya hindi muna ako nagsasalita. Marahil may sipon ako at sa halip na magtagal sa pagbabad sa telebisyon ay natulog na lamang. Sana manumbalik na sa dati ang ginintuang tinig ko bukas.


September 06, 2013
Friday
Year I-249

2Q-F. Ala-una palang ng madaling araw ng magising ako subalit masyado pang maaga kaya umidlip pa ko. Sadya ngang napakabilis ng takbo ng oras sapagkat laking gulat ko ng tingnan sa telepono'y malapit na palang sumapit ang ikaanim ng umaga. Maliwanag na sa labas at batid kong mahuhuli lang ako sa klase kapag ipinagpatuloy ko pa, di na lang ako pumasok. Medyo namamalat pa rin ang boses ko kapag nagsasalita kaya ayaw ko munang makipag-usap kahit kanino. Hindi ko alam ang dahilan ng pagkapaos ko, ni hindi naman ako sinisipon at lalong hindi masakit ang lalamunan ko. Marahil ay gawa ito ng pag-uusap namin ni Jenny mae ng pasigaw. Paano naman kasi kami magkakarinigan sa isa't isa pagkat saksakan ng ingay ang loob ng silid. Wala namang gagawin dahil di pumasok kaya naghugas na lang ako ng plato matapos mag-almusal.

2Q-G. Nang matapos ang hugasin ay nilabhan ko ang aking damit at short maging ang bag. Mukhang nakikisama ang panahon at mabilis akong makakapagpatuyo. Saktong dumating si Uncle Roger habang abala sa paglalaba at nanlubag ang kalooban ko ng sabihang ang sipag ko raw. Siyempre ganito ako kapag tinutopak at pakay niya ang Papa. Kaliwa’t kanang sampay ang inatupag ko sa bakuran matapos maglaba at nagpahinga. Maya-maya’y naisipan kong buksan ang computer. Mukhang nagkakaproblema sa pagbukas ko sapagkat hindi nagana ang keyboard at namamatay-matay din ang desktop. Nagpatulong ako kay Ate. Buti na lamang at kaagad naayos kaya nakapagkumpyuter pa ako at nakanood ng Iwantv.

2Q-H. Saktong tanghalian na ng patayin ang computer. Gagawa sana ng takdang-aralin sa MAPEH subalit tinamaan ako ng antok, naisipang mamaya na lang gawin. Malapit ng magtakip-silim ng magising ako. Nagtungo ako sa Taas upang bumili ng materials na gagamitin sa portfolio sa Physics. Nang malapit na sa JOLIA church ay saktong nakita ko si Pastora Anna at may hinihintay marahil siya. Sa halip na magpatuloy ay lumihis ako ng daan. Batid kong aanyayahan nanaman niya kong magsimba sa kanila kapag nagkita kami, tapos hindi ko naman tutuparin at pinutol ko na ang ugnayan ko sa kanila sapagkat balik loob na ko sa Katoliko. Ng makabili ng materials ay diretso baba na ko. Pagkababa sa Taniman ay saktong nakasalubo ko si Merry Grace at nagpapatulong sa akin na magpa-print. Gabing-gabi na nun kaya di ko na siya nasamagan pa at isa pa'y may kasama naman siya, keri na niya iyan. Mga alas-dyis na ko natulog dahil tinapos ko pang panoorin ang paboritong programa.


September 07, 2013
Saturday
Year I-250

2Q-I. Pagkadilat pa lamang, boses kaagad ni Mama at Papa ang naulinigan ko at hindi kapanipaniwala ang pinag-uusapan nila. Lihim ko silang pinapakinggan at nabalitaang pumanaw na pala si Uncle Roger. Nagulat ako sapagkat malakas pa siya nung kausap ko kahapon at hindi ko pa nga makalimutan ang papuri niya sa akin. Biglaan naman ang pagkamatay niya. Marahil ay may dahilan ang Panginoon kung bakit niya kinuha si Uncle Roger. Hindi ako makapaniwalang yun na ang una't huling puri niya sa akin at sa isang iglap ay di mo na siya makikita pang muli. Dahilan raw ng pagkamatay niya ang atake sa puso. Traydor na sakit talaga ang heart attack at sa oras na mangyari sa iyo, malamang ay tsugi ka agad. Hindi na ko nagpaligoyligoy pang bumangon at marami pang balita ang nalaman ko tungkol kay Uncle Roger.

2Q-J. Matapos mag-almusal at sa kadahilanang nababato ako'y nagpatugtog ako subalit suwabe lang at di kalakasan bilang pakikiisa sa pagluluksa sa pagpanaw ni Uncle. Mga Alas-nuebe ko na ito pinatay. Maya-maya'y sinimulan ko ng lagyan ng palamuti ang portfolio sa Physics at ginawan ng lalagyanan. Hirap din ng takdang-aralin sa MAPEH at pamatay talaga pagkat gagawa ka ng tula at kailangang sakto sa labing dalawa ang sukat sa bawat taludtod. anu yun, parang Filipino lang? At ang gagawing tula'y base sa naging karanasan namin. Lumipas na ang isang oras ay di ko pa nabubuo ang tula, sumuko na ko at mas piniling mananghalian muna. Tatapusin sanang gawin ang tula subalit pinangunahan nanaman ako ng antok at natulog.

2Q-K. Pagkagising ay nagkumpyuter ako sa labas, kakasawa sa bahay at para maiba naman. Tumungo ako kila Tita Jean pagkatapos magkumpyuter. Habang wala si tita, usap-usap muna kami ni Itang at tamang kuhaan din ng litrato. Nang dumating si Tita Jean ay saka pa lamang kami nagpunta kina Auntie Andrea upang makilamay subalit di pa namin nadatnan ang labi ni Uncle Roger pagkadating at iba't ibang kaanak ang hindi ko kilala ang nandoon. Naupo kami at kumutkot ng biscuit. May mga tsikiting ring kakahaharot at kulit. Tumimo lang sila ng magkwento si Ate Roxanne ng nakakatakot.

2Q-L. Puro kami kakatakutan at pulasan ng takbo kapag nagtatakutan. Nagkwento rin ako ng nakakatakot at ako pa mismo ang kinalibutan sa halip na sila. Kaya pagkauwi at madilim na nun ay takot na kong dumaan sa daanang masikip at walang ilaw at baka biglang sumambulat sa aking harapan si Uncle Roger. Ayos ngayon pagkat hindi niya ko nakalimutang dalawin at may pagkakataong makapagpasalamat pagkat pinuri niya ko kahapon. Maliit na bagay pero sapat na iyon upang ituring ko siya na isa sa pinakamabuting tiyuhin na nakilala ko. Hindi na ko lumabas pa pagdating sa bahay at naghapunan. Nanood ng telebisyon at mahahabag ka sa sinapit ng tauhan sa Maala-ala mo kaya pagkat tila pasakit sa kanyang buhay ang napangasawa niya at parang punching bag kung pagsasapakin. Sa huli ay nagbago naman ang asawa nito kaya hindi na naghiwalay pa at nagpatuloy. Bago pa man matulog ay nagsulat muna ako. Mga dakong Alas-onse na ng maisipang mahiga sa kama subalit hindi ako makatulog dahil maalinsangan ang panahon. 



September 08, 2013
Sunday

Year I-251

2Q-M. Magngangalit na tinig mula sa labas ng kwarto ang kaagad kong naulinig kinaumagahan pagkagising ng katawang lupa ko. Wala nanamang patid sa pagbubunganga ang Mudra na kala mo sagaran sa buto kung magalit, nahayaan palang nakabukas ang refrigerator kagabi at mukhang ako pa ang pinaghihinalaang huling gumamit ng refrigerator. Sa pagkakaalam at pagkakaalala ko'y hapon pa ng kahapon ko pa huling ginamit ang refrigerator at sinigurado ko pa ngang nakasara ito ng mabuti tapos paparatangan nila ako sa bagay na hindi ko naman ginawa. Sarap pa sanang humiga subalit bumangon na ko at sinabing wala akong kinalaman kung bakit nahayaang bukas ang refrigerator. Bahagyang huminahon si Mama ng sabihin ko iyon. Matapos mag-almusal at dahil nanonood ng telebisyon si Papa'y nakinuod na ko.

2Q-N. Ipinagpatuloy ko ring likhain ang tula at sumakit ang utak ko sa kakaisip ng salitang idudugtong. Ilang-araw na ring pigil ang boses ko kapag nagsalita kaya pumunta na ko sa botika ng gamot upang bumili ng Strepsils. Pagkabili at lunok ay dumiretso ako sa bahay ni Auntie Andrea upang dalawin ang pumanaw kong tiyuhin. Ramdam ko ang kapighatian nila pagdating sa bahay, si Uncle Roger naman ay parang natutulog lang ng mahimbing sa kabaong at di man lang ako nakaramdam ng panghihilakbot, ilang beses na kasi akong nakakita ng patay. Si Ate Bulehn at Tita Jasmin naman, abala sa pagsusulat ng pangalan ng kaanak sa laso at ikakabit sa tabing ng kabaong.

2Q-O. Si Auntie Andrea na sobrang luksang-luksa ay nagawa pang tumawa ng mag-usap kami, masaya raw kasi akong kausap at masaya ako pagkat ako ang nagbigay sigla sa buhay nilang walang kabuhay buhay, sino ba namang hindi magluluksa kung namatayan ka ng mahal sa buhay. Maging ang lagay ng panahon ay tila malungkot rin sa kakulimliman nito at nagbabadya pang umulan. Hindi tagaktak ang pawis ko pagdating sa bahay. Naging maaliwalas naman ang lagay ng panahon pagdating ng tanghali. Walang nalutong ulam si Mama kaya pancit canton na pinalambot sa mainit na tubig ang aming tanghalian. Matapos mananghalian, as usual ay tulog muli ako. Di kasi maiwasang antukin tuwing hapon at hugas ng pinagkainan sa lababo ang inatupag ng muling mulat ng mata.

2Q-P. Pagkatapos maghugas ay gumawa na rin ako ng assignment sa MAPEH. Maya-maya’y nagtungo na ako sa Computer shop upang ilimbag ang nai-search na strophic and through song. Matapos magpa-print ay umuwi na ko. Balak pa sanang dumalaw sa burol ni Uncle Roger subalit ulan ang pumigil sa akin. Tumila naman ang ulan kinagabihan. Umalis sina Mama at Papa upang makipaglamay sa patay at kami lang dalawa ng Kuya Al ang naiwan sa bahay. Dahil dalawa lang kami sa bahay, bantay sarado ako sa kapatid ko at baka kung anong kalokohan ang gawin niya. Habang wala ang mga magulang ko'y panonood ng telebisyon ang inatupag ko. Mga Alas-nuebe na bumalik sila Mama at may dalang pagkain subalit gawa ng busog pa ang sikmura, minabuting ipang-agahan ko na lang iyon. Sa takot na tanghaliin nanaman ng gising, kaagad na akong natulog.



September 09, 2013
Monday
Year I-252

2Q-Q. Hindi na ako inaantok pa kaya ikatlo pa lamang ng madaling araw ay bumangon na ko at nagmumog. Septyembre pa lang subalit dama ko na ang napakalamig na panahon, nahihirapan tuloy akong kumilos pagkat nangangatog sa ginaw. Dala ng giniginaw ako, tinamad na akong maligo at nagpunas lamang. Ang bilis talaga ng panahon at akalaing mahigit isang buwan na akong gumagamit ng inhaler pangontra hika, sa galing ng gamot na ito, hindi na ko sinisipon at inuubo pa at parang magaling na nga ako subalit di ako pakampante. May quiz pala sa MAPEH mamaya kaya todo repaso ako pagdating sa eskwela. Saya ang una kong naramdaman na may halong pagtataka pagtingin sa bulletin board dahil second honor ako subalit ako'y namaling akala dahil sa Filipino lang iyon.

2Q-R. Sa pangkalahatan ay di ako napabilang sa top achievers, marahil ang blangkong grado ko sa TLE ang dahilan kung bakit di napasali sa Top. Ayos lang at may pag-asa pang makabawi basta't gagalingan ko na ngayong second grading. Maya-maya’y lumabas na kami pagkat may flag ceremony. Matapos ang flag ceremony at sa kadahilanang may maikling pagsusulit sa MAPEH, nagrepaso ako. Ayaw ko namang sa MAPEH lang ako nakatuon ng pansin kundi sa lahat ng subject kaya ginamit ko ang teynga sa pakikinig sa guro at utak naman upang magkabisado ng napag-aralan namin sa MAPEH. Lihim kaming nagrerepaso ni Jayvie ann habang may gurong nagtuturo sa harapan. Malapit na ang MAPEH time subalit kakaunti pa lang ang nasa utak ko kaya pwersado akong nagkabisado habang naghihingalo na ang oras. Bago mag-quiz ay binigyan kami ni Ma'am Mina ng sampung minuto upang magrepaso.

2Q-S. May naisagot naman ako kahit paano subalit sinasaalang-alang ko ang baybayin ng bawat salitang isusulat kung tama dahil maari akong magkamali, wrong spelling is wrong kasi. Nagrepaso ako ng husto at sana'y mataas ang makuha ko. Wala si Sir Velarde sa oras ng Filipino, kahit sa october pa ang pasahan ng project sa Math ay sinimulan ko ng gawin, kailangan ko ng magsikap upang sa kuhaan ng card ay matuwa naman ako sa kaaya-ayang grado't mapasali sa top. Ang inakalang walang teacher sa oras ng English ay nagkakamali pagkat pumasok na si Ma'am Miranda, pulasan ng takbo at balik sa kanya-kanyang upuan ang kamag-aral ko pagdating ni Ma'am Miranda. Nagturo lamang siya tungko sa drama, masyado na ngang madrama ang buhay ko, drama pa ang lesson.

2Q-T. Maya-maya’y usap-usap kaming magkakagrupo tungkol sa reporting tommorow. Sa oras naman ng Math ay nagturo lang din si Sir Harren, bilib kami sa tinuro ni sir na synthetic division dahil iyon ang technique kapag idi-divide mo ang expression sa isa pang expression at pinapadali nito ang buhay mo. Sa oras ng Physics ay nag-discuss lang din si Sir Martin tungkol naman sa parallel circuit, grabe at halos mamuti ang buhok ko at mangatog ang kamay sa haba ng computation at kakakopya sa malinis na kwaderno. May quiz pa bukas sa Physics kaya review mamaya. Niyaya pa nga ako nina Jenny Mae sa lakad nila subalit hindi ako pumayag pagkat may gagawin pa ko. Kumain at natulog muna ako pagdating ng bahay.

2Q-U. Alas-kwatro na ko nagising at nagkumpyuter subalit nagloloko ang Internet connection kaya naisipang sa labas na lang magkumpyuter. Matapos magkumpyuter ay tumungo ako sa bahay nina Regine subalit di ko sila nadatnan kaya kay Ate Bing ako dumeretso at nagtsikahan kami. Sa sarap ng aming kwentuhan, di ko namalayang gabi na pala. Tutungo sana ako kay Shiela upang magkamustahan at mag-usap subalit tulog na raw ito. Maya-maya’y di kalayuan kila Ate Bing ay kay Aling Gina naman ako tumuloy. Abala sa pagkukulay ang maliliit niyang anak kaya kahit teenager na'y nakikulay na rin ako, namimis ko ng magkulay sa aklat at iyon ang libangan ko noong bata pa. Mga Alas-otso na ko nakarating sa bahay at nanood pa ng telebisyon. Matapos manood ay natulog na ako.



September 10, 2013
Tuesday
Year I-253

2Q-V. Madaling-araw nanaman ako nagising at mas lalo ko pang nadama ang napakalamig na simoy ng hangin, marahil ay hudyat na nalalapit na ang panahon ng kapaskuhan at kahit batid kong giginawin kapag naligo'y itinuloy ko pa rin. Di pa maliwanag pagdating sa eskwela at si Patrick na abala sa pag-aayos ng upuan ang nadatnan ko sa silid, tinulungan ko siya upang mapabilis ang gawain at nilinis ko na rin ang nilikhang kalat ng panghapon, sa dami'y halos nakaisang tonelada ako sa pag-imis ng kalat. Bahagyang umingay ang kaninang nakakabinging katahimikan ng dumami na kami. Maya-maya'y pumasok na si Sir Arnulfo na nakangiti at panay paypay sa buong katawan na akalang naiinitan kahit malamig na ang panahon. May recitation rin kami kaya todo basa kami ni Jayvie Ann upang di mapatayo kapag tinawag. Sa oras ng TLE ay nagrepaso naman kami dahil may maikling pagsusulit mamaya, wala sila Jenny mae na kanina ay nandiyan lang nung first period.

2Q-W. Marahil ay nag-cutting sila at bahala sila kung sakaling mahirapan silang grumadweyt dahil sa katamaran nila. Nagrepaso nga ako subalit hindi kataasan ang nakuha ko. Pasimple sina Jenny maeJessa at Jobil na pumapasok ng MAPEH na at pulasan na may halong tilian ang maarte't sosyalin kong kamag-aral sa pagdalaw ni Mickey Mouse. Di pa nakuntento ang daga at naglibot pa sa ilalim ng upuan namin, nagpanik tuloy ang halos lahat at panay padyak sa upuan baka sakaling andiyan na ang daga. Ang ingay tuloy ng classroom namin at nauwi ang lesson sa kaguluhan at tawanan. Nawala nanaman sila Jenny mae ng Filipino na, pagkadungaw sa bintana'y kita ko sila na nakikipagbarkada sa dalawang lalaking kapwa Grade 7 at talagang hagikhikan sila. Gusto kong makisali subalit mas uunahin kong asikasuhin ang pag-aaral kaysa magbulakbol. Dahil wala akong kausap ay nagbasa na lang ako. Sa oras ng English ay group report.

2Q-X. Matapos ang Group report ay nagturo si Ma'am Miranda tungkol sa drama and theater play by using her laptop. Sa oras ng Mathematics ay nagturo din si Sir Harren and after that, we have group seatwork. Habang di pa oras ng Physics ay nagrepaso na ko at sabay kabisado sa formula kahit kasing haba ng buhok ni Rapunzel. Kaso halos mangamote ako sa pag-solve at ang hirap talaga ng quiz. Hula-hula na lamang ako ng isasagot na baka sakaling tsumamba subalit ang linis ng answer sheet ko ng ipasa. Si Stephanie na pambato ng Apacible sa miss UN ay parang miss universe na ang sinalihan sa lakas ng impact niya sa pagrampa at may pabanat pang kasabihan. Tilian na may kasamang malakas na hiyawan nung rumampa ng bongang-bonga si Stephanie at daig pa ang mga nagdaang miss universe contestant.

2Q-Y. Sumakip ang lalamunan ko sa kakasigaw at parang mamaos nanaman. Lalo pang nagsigawan ng ianunsyong walang pasok bukas dahil sa NCAE ng third year. Another holiday nanaman ito at relax. Pagkauwi’y natulog ako subalit malakas na buhos ng ulan ang gumising sa akin. Ilang sandali pa at habang nagte-text ay kita ko sa kalangitan ang matalim na pagguhit ng kidlat at sinundan pa ng malakas na kulog, pumasok ako sa bahay sa pangambang tamaan ng kidlat. Takot ako dalawang elemento kaya nagtakip muli ako ng teynga at tumagal ang thunderstorm hanggang gabi. Tumila naman ang pag-ulan pagsapit ng Alas-otso kaya nakanood pa ko ng telebisyon. Wala namang pasok bukas kaya nag-imbento muna ako ng quotes at ayaw ko pang matulog dahil kakasawa kapag lagi kang nasa higaan. Hating-gabi ko na naisipang mahiga at matulog.



September 11, 2013
Wednesday
Year I-254

2Q-Z. Naging malamok ang gabi namin na halos papakin na ang buong katawan ko sa dami at hindi ako makatulog sa kakakamot, inihagip ko nga ang Swater sa kanilq para di na makaisturbo pa. Pesteng mga lamok 'yan at sa gabi pa nalusob kung kailan himbing na sa pagtulog kaya marami tuloy ang nadadali ng Dengue. Kahit madaling araw ng nakatulog ay Alas-sais ng umaga ako nagising. Papasikat pa lang ang araw at ang kahapong napakasungit ng panahon ay kabaligtaran ngayon pagkat kita sa kalawakan ang linis ng kalangitan at mukhang magiging maaliwalas ang buong umaga. Dami nanamang hugasin ang nakatambak sa lababo at dahil ayaw kong paupo-upo lang ay pinagtuunan ko iyon ng oras. Matapos maghugas ay nagwalis ako mula kusina hanggang sa dulo ng bahay. ang Ate naman masyadong nabuburyong at walang kasigla-sigla ang mukha, nag-request siyang magpatugtog ako at pinagbigyan ko naman siya. Sa magaganda't kahalina-halinang awitin ay nakakapagpasigla ito kaya lalo pa kong sinipag sa gawaing bahay.

2R-A. Matapos magwalis at magpunas ay ipinagpatuloy kong gawin ang Project sa Math, kasama ang paggawa ng sariling Sudoku sa project kaya naghalungkat ako ng Sudoku sa dyaryo subalit wala pang sagot. Naku at talaga namang kailangang pigain ng husto ang utak sa pagsagot ng Sudoku puzzle at napakakomplikado ng sagutan kapag may isa o higit pang numero ang umuulit. Halos lumuwa na ang utak at tumirik na ang mata sa kakasagot ng Sudoku at suko na ako. Magse-search sana sa Internet ng Sudoku subalit sira na ang broadband kaya wala ng kakayahang maka-connect ng Internet. Sa dami ng gagawin at isusulat ay mukhang malabong matapos ang project at kakailanganin pa ng ilang araw. Tanghalian na at nagpunta na sa kusina upang lumamon. Matapos mananghalian ay nanood ako ng telebisyon, ang ingay ng kapatid kong may kapansanan at hindi ako nakanood ng Baliwan cinema dahil sa kanya, minabuti ko na lamang matulog upang makalikom ng sapat na lakas at hindi lalamya-lamya.

2R-B. Pagkagising ay nadatnan kong may dalawang estrangherong kinukumpuni ang nasirang broadband subalit wala ng tiyansang maibalik sa dati at kailangan ng bumili ng bago. Dahil may mga takdang-aralin na kailangang tapusin ay nagkumpyuter na lang ako sa labas at nag-research gamit ang GoogleYahoo at Wikipedia. Ginawa ko na rin ang hinding naipasang activity sa MAPEH. Makalipas ang humigit sa isang oras ay ipinalimbag ko na ang ginawang assignment at activities sa MAPEH. Diretso ako kila Auntie Andrea ng makapagprint. Dama ko pa rin ang pananalaytay ng kalungkutan sa bahay nila at kakaunti lang ang kaanak kong nakikipaglamay. Si Auntie Andrea ang nakausap ko habang nandun ako sa puder nila. Maya-maya, kahit hindi kakinaman ang tinig ay kumanta ako alang-alang sa kagustuhan nila at napawi ko naman ang kalungkutang namumutawi sa kanilang damdamin.

2R-C. Palakpakan sila at tila limot na ang pagluluksa. Kumagat na ang dilim pagkauwi ng bahay at dahil may pasalubong fried chicken si Papa pagkauwi niya'y inuntian ko lang ang pagkain. Hindi muna ako natulog pagtapos manood ng telebisyon at talagang sabik na hinintay ang kanyang pagdating. Mga bandang Alas-dyis na siya dumating at nagsibangon kaming lahat. Parang ngayon lang kami naghapunan ng tunay at pinakyaw ang manok na nakahain sa mesa. Ang ate naman, konting gusot at pagkakamali ko lang ay lakas loob akong tinatarayan na kala kung sinong magaling. Sumama tuloy loob ko subalit pinigilan ko ito sa pangambang magkaroon muli ng hidwaan at baka magkantihan pa. Matapos kumain na kahit maraming laman ang tiyan ay natulog na ko. Di ko pa oras para mamatay kaya nakakasiguradong hindi ako babangungutin. Tanging Diyos lang ang nakakaalam sa hangganan ng buhay ko.



September 12, 2013
Thursday
Year I-255

2R-D. Kahit ayaw ko pang bumangon at gusto ko pang humilata ng sarap sa kama'y hindi ko iyon sinunod dahil batid kong maaring mawala ang magandang kinabukasan kapag sinunod mo lang kung saan ka masaya at komportable, hindi kasi lahat ng kagustuhan natin ay matutupad at kailangang pag-isipan bago gawin, mahirap ng magsisi sa huli. Labag man sa kalooban ko'y dapat gawin ko kung anuman ang tama at nakakabuti sa lahat. Magalit na kung magalit si kapwa huwag lang ang Panginoon. Katamaran ay iwaksi upang may marating sa buhay. Kahit tinatamad maligo'y sige pa rin ako upang amoy presko. Mga bandang Alas-singko na ako umalis at nakatsinelas lang ako dahil iniinda ko ang namamagang sugat sa paa.

2R-E.  Pagdating sa eskwela'y mangilan-ngilang kamag-aral ko pa lamang ang nasa silid at madadalang pa lang ang pagdating ng mga estudyante. Ilang saglit pa'y dumating na si Sir Arnulfo at may recitation muli kami. Habang wala pa Sir Balbin at may long test sa MAPEH mamaya'y nagrepaso kami. Mukhang sagana kami sa mga pagsusulit at may quiz rin sa TLE subalit binigyan kami ni Sir Balbin ng ilang minutong pagrererapaso. Pilit kong kinakabisado ang assembly and disassembly of computer subalit nakakalimutan ko pa rin kaya nganga nung quizzes na at halos wala nanamang makukuha. Nagpakahirap pang magkabisado kung mababa naman ang nakuha. Sa oras ng MAPEH, wala ng rebyu-rebyu pa't diretso long test na.

2R-F. Dahil nakapagrepaso naman kahit paano'y di naging mahirap sa akin ang long test at yakang yaka ko pa. Sana naman kahit long test sa MAPEH ay makabawi ako. Sa oras ng Physics, tseking ng seatwork at halos mabokya na ako dahil ang linis ng answer sheet ko subalit may nakuha rin naman, yun nga lang ay out of 30 items ay 3 lang ang nakuha. Ayos lang iyan, di naman napanghihinaan ng loob sapagkat marami pang pagkakataon upang pumasa. May quiz rin sa English kaya sa halip na sumama sa lakad ng aking mga kaibigan ay mas pinili kong magrepaso subalit di natuloy pagkat marami pang naikwento si Ma'am Miranda tungkol sa kung paano naisasagawa ang drama.

2R-G. Di kapanipaniwala at mukhang mahirap maging artista pagkat bukod sa aktingan ay kailangang scripted ang iyong dialogue at di pwedeng mag-adlib, ang kakapal pa naman ng papel tapos tatlumpung minuto ka lang magkakabisado, huwag na. Inanunsyo na rin ni Ma'am Miranda ang project namin sa English at iyon ay gagawa kami ng stage theater. Habang wala pa si Sir Harren ay isa-isang binigyan kami ni Mandy ng gagawin at costume designer ang tungkulin ko at kasama ko sila Charlotte at iba pa. Dumating naman si Sir Harren kung kailan malapit ng matapos ang Math time. Sa oras ng Physics ay may panibagong lesson nanamang itinuro sa amin ni Sir Martin at todo kinig ako subalit ang hihirap ng formula at very complex ang solution.

2R-H. Kinopya ko nga sa notebook upang pag-aralan. Ilang saglit pa'y uwian na at kasabay ko si Gwen sa tricycle. Pagdating sa bahay at pagkabukas ng telebisyon ay matindi na pala ang kaguluhan sa Zamboanga at marami na rin ang nasawi dahil sa patuloy na bakbakan. Matapos manood ng balita'y natulog ako. Mga bandang Alas-tres na ako nagising at nilibang muli ang sarili sa pagkukumpyuter subalit malabo ang monitor kaya nahirapan akong mag-edit ng sulat. Pinatay ko na lang at hindi ko na tinapos pa. Naging matahimik at maulan ang gabi subalit hindi nagtagal ang ulan. September pa lang ngunit may Christmas light ng naka-display ang kapitbahay, buti pa sila at laging makulay at maliwanag ang Pasko, samantalang ni isang christmas decor ay walang nakatanghal sa bahay tuwing kapaskuhan. Ang pulubi naman namin.


September 13, 2013
Friday
Year I-256

2R-I. Today is friday the 13th at ibayong ingat lamang ang kailangan kapag may lakad at baka mapahamak, daming nabubuong pamahiin tuwing friday the 13th na kailangang sundin, wala namang masama at mawawala sayo kapag sinunod mo ang mga pamahiin. Dala ng matinding antok ay hinintay ko pang mag-alarm ang telepono at kay bilis ng oras. Tinapay na pinalamanan ang naging agahan ko subalit nabusog pa rin. Pagdating sa eskwela, si Patrick at Melarion pa lang ang nasa silid at tulong tulong kami sa pag-aayos ng upuan. Maya-maya, sa di inaasahan ay bumuhos ang napakalakas na ulan. Si Jenny mae ay medyo paos ng kausapin ako at nagkwento tungkol sa pagkakasakit niya, uso talaga ngayon ang trangkaso at mangilan-ngilan sa aking kaklase ang may trangkaso. Habang wala pang guro'y gumawa na ko ng takdang-aralin sa Math at Physics. Lumipas pa ang ilang minuto'y dumating na si Sir Arnulfo. Natanggal ang idinikit na bulletin board at iyon ang kanyang ikinagalit.

2R-J. Sa halip na may matutuhan tungkol sa Economiks ay pinaulanan niya kami ng mabibigat na sermon at di pa nakuntento dahil ikinumpara pa kami sa ibang seksyon na hawak niya. Tama si Sir sa sinabi niyang ningas-kugon kami at puro katamaran ang pinapairal. Nakapag-discuss naman si Sir Arnulfo at malasusyal ito kung pumapaypay matapos ang mahaba subalit hindi katakot takot na sermon. Maya-maya’y Values na at nagkaroon kami ng quiz. Pagkatapos ang maikling pagsusulit, ang nalalabing oras ni Ma'am ay ginamit upang magturo. Sa oras ng MAPEH ay practical test ng Chess at hindi alam nina Jessa kung ano ang tawag sa bawat piyesa ng Chess at movements nito. Alam ko ang movements at names ng bawat piyesa, kaya tinuruan ko sila subalit hindi ako gasinong magaling maglaro ng Chess.

2R-K. Sa oras ng Filipino, gaya ng nakaraang araw ay pinapasagot lang kami sa Batikan. Bigla nanamang nawala sila Jenny mae at malamang ay gumala nanaman sa room ng mga First year. Nang breaktime, may narinig akong konting hiyawan at maraming estudyanteng nasa corridor at may pinapanood. May water rocket launch pala at very unpredictable ang bagsak nito kapag pinalipad. May ilan ay perpect ang pagkakalipad at may ilan namang pumapalya. Hiyawan kami na may pulasan ng takbo kapag pinalipad ang inimbento nilang Water rocket sa pamamagitan ng pagbomba. Maya-maya’y English time na at balik na sa classroom. May quiz rin sa English kaya todo pagrerepaso ang ginawa ko sa kagustuhang bumawi. Hindi naman kataasan kaysa inaasahan ang nakuha ko subalit nanatili pa rin akong puno ng pag-asa na makabawi.

2R-L. Sa oras ng Physics, nagkaroon ng activity at takting hirap ng pinapasagutan ni Sir na series parallel circuit at halos tumirik ang mata ko sa kaka-solve. Parang hirap tuloy maging Electrician. Pasahan na subalit hindi ko pa natatapos kaya pinunit ko ang papel at di na pinasa pa. Pagkauwi sa bahay ay nananghalian ako at natulog. Mga Alas-kwatro na nagising at dahil walang pasok kinabukasan ay nagtungo ako sa bahay ng kaibigan ko upang malibang. Kina Regine sana ako patungo subalit naisipang kila Angelica at nagtsikahan kami. Dami kong tawa kay Angelica na halos sumakit na ang tiyan at pa-ingles ingles pa ang Lola mo. Nakakwentuhan ko rin ang nanay niya pati si Aling Sol. Sumunod ay dumalaw naman ako kina Regine subalit wala pa rin ang mga ito ng datnan kaya kay Ate Bing ako tumuloy at nag-usap.

2R-M. Kahit medyo pang-asar ang nabibigkas ng anak niya subalit natutuwa pa rin ako dahil nakakapagsalita na siya. Maya-maya’y biglang bumuhos ang ulan kaya naisipang magpatila muna. Ng tumila'y nagpaalam na ko kay Ate Bing. Pagdating sa bahay, katakot-takot na sermon ang inabot ko subalit pinabayaan ko na lang sila at piniling huwag ng sumagot, tumigil naman kahit paano. Matindi na talaga ang bakbakan sa Zamboanga, may ilang pinakawalang bihag ay pinapadapa sa takot na tamaan ng bala at wala kang ibang mauulinig kundi palitan ng putukan. Ilang sandali'y dumating na si Papa galing Subic at may dala itong pasalubong na pagkain at damit. Sa puntong iyon ay kinain namin ang dala-dalang pasalubong subalit kaunti lang ang kinain sa takot na di matunawan. Mga alas-onse na kami nagsitulugan.



September 14, 2013
Saturday
Year I-257

2R-N. Masaya at kay gandang umaga para sa lahat ng bagong gising na tinatamad pang bumangon. Dilat na ang dalawang mata subalit gawa ng malamig kaya tinatamad pang bumangon. Pagkatingin sa malaking orasan, Alas-sais pa lang. May balak sanang magtungo sa burol ng tiyuhin pagkatapos lumantak ng agahan subalit biglaang umulan ang. Tila may pagkasira ulo talaga ang panahon, minsan uulan at minsan ay aaraw, mahirap intindihin kung ano ba talaga ang tinatakbo. Tulad lang iyan ng tao na pabago-bago ang nasa isipan at hindi malaman ang kung saan talaga siya lulugar. Kakabato na may halong kawirdohan kaya nagpatugtog ako.

2R-O. Ilang sandali at dahil walang humpay ang pag-ungol ng kapatid kong may kapansanan ay pinapapatay ni Mama ang tugtog ko, bagay na nagkaroon ng kaunting inis at nagawa ng sagutin siya. Sa bait ng Mama ay hindi na kami nagpang-abot pa.  Pampagana rin ang magagandang awiting pag-ibig sa gawaing bahay at takaw kilig pa, iba talaga ang pakiramdam ng taong inlove, iniisip mo na kaya mong gawin ang lahat at gagawin ang lahat mahirap man o madali, makita at makasama lang siya. Matapos ang gawaing bahay ay sinimulan ko ng gawin ang takdang-aralin sa AP. Mga Alas-dose ko na ito natapos. Kinahapunan, pagkagising ay malakas nanaman ang ulan sa labas at malakas rin ang ihip ng hangin.

2R-P. Sarap sanang maligo subalit dahil sa kalagayan ko'y bawal sa akin ang magbabad sa ulanan. Kakainggit ang mga bata at kabataang masayang nagliliwaliw sa ulan at marami ring nagtatampisaw sa rumaragasang tubig. Ilang saglit pa'y biglang gumuhit ang kidlat na sinundan ng kulog. Natakot ako at nagtakip agad ng teynga. Nang tumila ang ulan ay sinubukan kong lumabas. Pagsapit ng dilim, matapos maghapunan ay tumungo ako kila Auntie Andrea. Saktong nadatnan kong dinadasalan nila ang labi ng tiyuhin kaya di muna ako tumuloy papasok. Matapos ang dasalan ay saka pa lamang ako pumasok. Abala sina Tita JasminAte Roxanne at Ate Chylles sa paghiwa ng Hotdog at iba pang sangkap at nagpaturo ako sa kanila. Ang seryosong pagtuturo'y nauwi sa pag-uusap tungkol sa iilang bagay.

2R-Q. Lumabas pa ako upang manood ng Jueteng, saktong pagkatingin ko pakana'y nakita ko si Itang na mag-isang nagte-text, tinabihan ko siya. Kanina pa pala nandun sina Tita Jean at papauwi na rin sila. Nagtagal pa ako sa burol ng tiyuhin at nagbantay pa nga. Kakaunti lang din ang naglamay gawa ng naulan nanaman. Buti at nandon si Ate Nenita at hiniram ko ang payong niya. Isinauli ko naman sa kanya pagkabawi ng sariling payong at ng mapansing humina ang ulan ay kinailangan ko ng umuwi kaso habang sa daan ay lumakas nanaman ito kaya umuwi akong basang sisiw at dama ang ginaw. Pasalamat sa maykapal at di naman sinipon o inubo. Binuksan ko ang telebisyon at nanood ng MMK at The voice of the Philippines. Matapos manood ng telebisyon ay natulog na ko at naging napakaginaw ng gabi kaya ibinalot ko ang buong katawan sa kumot.



September 15, 2013
Sunday
Year I-258

2R-R. Malakas na boses kaagad ni Mama, Papa at Ate ang naulinig ko pagkagising ng katawang lupa at kung ano-anong bagay ang napapag-usapan. Ako na lang ang hinihintay bumangon kaya bumangon na ako. Ikaanim pa lang ng umaga pagkatingin sa malaking orasan at dumeretso sa kusina upang lumantak ng agahang nakahain sa mesa. Ang malumanay na pag-uusap namin ng Ate ay nauwi sa taasan ng boses ng batikusin niya ang madalas kong pagpunta sa bahay ng kaibigan ko, sa kanya kasing sinasabi'y parang kinakaya lang daw ako at uto-uto pa, bagay na nagpasimulang magliyab ang aking damdamin. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang tingin niya sa lahat ng kaibigan ko, hindi mapagkakatiwalaan at ano naman sa kanya kung naging kaibigan ko sila. Maya-maya ang simpleng alitan ay lalo pang sumidhi at totohanan na ang palitan namin ng maanghang na salita at nakisawsaw pa si Mama, lalo pa tuloy ako nag-init at hindi maiwasang makapagbitiw ng maanghang na salita.

2R-S. Pati pa naman ang nakaraang pangyayari, uungkatin pa't isusumbat sa akin upang mas lalong palabasin kung gaano ako kasama. Sa totoo lang ay ginawa ko ang lahat upang mapabuti ako sa tingin nila tapos lalabas sa bibig na masama raw ako at may nakakapansin na raw, sobra akong nagtaka sa mga sinasabi nila at laging bukambibig na bukod sa masama'y nagsisinungaling pa daw, hirap na talaga nila akong paniwalaan kahit katotohanan na ang sinasabi ko. Ayos lang kung ayaw nila akong paniwalaan basta alam ni Lord at ako na wala akong ginagawang masama at mas lalong di ako nagsisinungaling sa sinasabi ko, marahil nga'y nagagawa kong magsinungaling subalit hindi sa lahat ng oras ay sinungaling talaga. Pa-lie detector test pa nila ako!

2R-T. Ngayong araw din ang creamation ni Uncle Roger at dahil sa tampuhan namin ni Mama sa isa't isa'y naisipan kong huwag na lang sumama at magmukmuk sa isang tabi. Grabe silang dalawa magsalita at mukhang di ko iyon kinakaya, masama na ako sa paningin nila at mabuti pa ang mga kaibigan ko, kaya nila akong unawain. Pag may gusto akong ikwento o sabihin, sa kanila ko ibinabahagi. Kakatampo at gusto kong magwala, idinaan na lang sa pahikbi-hikbi at natulog. Nabawasan naman ang poot sa dibdib pagkagising ng Alas-onse at naging maulan ang tanghali. Matapos lumamon at dahil mabigat pa rin ang pakiramdam ay tumulog muli ako. Anu ba ang pagkukulang ko't lagi nilang nakikitang masama ako at walang kwentang tao, iyan nanaman at mapipilitang magpatiwakal subalit batid kong napakalaking kasalanan, di lamang sa tao maging sa Diyos kapag ginawa ko iyon.

2R-U. Pagkagising muli, kahit may dinadamdam na sama na loob ay gumawa pa rin ako ng assignment sa Values. Maya-maya’y nagtungo ako sa bahay nila Gangang upang makahiram ng Workbook sa English, sa bait ni Gangang ay di pahirapan sa akin ang humiram. Saktong bumuhos muli ang napakalakas na ulan kung kailan pauwi kaya naisipang makisilong kina Ate Arlene. Nang bahagyang humina'y nagpatuloy ako sa paglalakad pauwi. Ginawa ko naman ang assignment sa TLE at pagbabasa ng story sa workbook ang inatupag ko sa maghapon. Habang naulan ay saktong dumating si Mama galing sa creamation. Medyo hindi nagkikibuan subalit ang sama ng loob ko sa kanya'y unti-unti ng nababawasan. Naging maulan ang buong gabi na nagpalamig sa aking pakiramdam at natulog akong balot ng kumot.


September 16, 2013 
Monday
Year I-259

2R-V. Bunsod ng magdamagang pag-ulan kagabi ay naging napakalamig ang umaga subalit tumila na ang ulan kaya tuloy pa rin ang klase. Medyo inaatok pa't gusto pang humilata subalit sinubukan ko pa rin bumangon May natitira pang sama ng loob kay ina at ni isang pag-uusap ay di naming magawa subalit di na sintindi ng kahapon. Kahit puro masasakit na salita na tagos hanggang dibdib ang naririnig mula sa kanya kahapon ay hindi ko pa rin magawang magalit sa kanya ng matagal. Parang sugat naming sa isa’t isa na nilikha ng kahapon ang naghihilom na. Maliwanag na sa labas ng makaalis mula sa bahay at ang haba ng pila sa hintayan ng Tricycle. Mukhang mahuhuli na sa pagpasok sa tagal dumating ng mga tricycle. Ilang sandali pa ang lumipas at sa wakas ay natuldukan din ang paghihintay.  Pagdating sa eskwelahan at habang wala pa si Ma’am Fabiana ay tulong-tulong kaming lahat sa paglilinis ng silid.

2R-W. Maya-maya pa’y pumasok na si Ma’am, hudyat ng pagsisimula ng klase sa Values at mukhang mataas ang Energy ni Ma’am kahit maraming dalang gamit.  Nagkaroon kami ng Recitation matapos niyang magtalakay at madalas ay si Perfecto ang nakakasagot. Sa oras naman ng TLE ay inanunsyo sa amin ni Sir kung ano ang magiging project para sa lahat ng bagsak at upang mapunan na raw ang blangko sa First grading sa Card. Kailangan kong bumawi para makumpleto ang grado sa Card. Sa oras naman ng MAPEH ay laking nganga ng bibig ng ipakita ni Ma’am Mina sa amin ang mga gawang artworks at lubhang napakahirap gayahin. Talagang pinagtiyagaang kulayaan at medyo Colorful pa.

2R-X. May ilan na mapapa-wow sa sobrang linis ng pagkakagawa at halatang pinoto-shut ang landscape na hindi akalaing drawing lamang. Dami talagang pinapagawa sa amin si Ma’am Mina at mukhang mahihirapan ang halos lahat sa amin. Sa oras ng Filipino at ano pa nga ba kundi pinasagutan lamang kami ni Sir sa Batikan.  Wala namang dalang Batikan workbook kaya kwentuhan kaming dalawa ni Jessa. Sa sarap n gaming kwentuham ay di namalayang breaktime na. Bago pa man magklase si Ma’am Miranda ay inutusan niya kong kuhain ang monitor sa may Reading Center.  Ng makuha ang monitor ay saka pa lamang siya nakapagsimulang magturo at matapos ay nagbasa kami ng very long story.

2R-Y. Sa malanobelang haba ng istorya na abot hanggang labing-anim na pahina ay mukhang malabong matatapos sa buong oras ni Ma’am Miranda. Sa oras ng Math ay nagkaroon kami ng pangkatang Gawain. Sa oras naman ng Physics ay nagkaroon kami ng maiklling pagsusulit, ang hihirap ng item kapag kailangan kumpyutin ang bawat given quantities at sumakit ng husto ang ulo ko. Ilang sandal pa’y uwian na at nakaraos rin sa buong oras ng klase. Kinahapunan ay binalak ko sanang magkumpyuter subalit di mahanap ang Card Reader kaya di natuloy ang aking balakin. Kinagabihan ay panunuod ng telebisyon ang inatupag ko at matindi na talaga ang giyera sa Zamboanga, marami na ring mga bahay at impraistraktura ang nawasak na dahil sa walang patid na bakbakan. Matapos manuod ng paboritong programa ay kaagad na akong natulog


100 Isang daang araw na lamang ang nalalabi bago sumapit ang Pasko.




September 17, 2013
Tuesday
Year I-260

2R-Z. Panibagong umaga para sa bagong buhay na kahaharapin. Mga bandang ikalawa ng madaling araw ako nagising subalit umidlip pa. Napakabilis ng oras at di namalayang Alas-kwatro na pala ng muli akong tumingin sa orasan. Mga Alas-singko na ako umalis ng bahay at kasabay ko muli si Regine Cebrero sa pagpasok. Madadalang pa lamang ang pagdating ng mga estudyante at pagdating sa silid ay inayos ko ang mga upuan. Bago pa man magsimula ang klase'y pinaglinis muna kami ni Sir ng classroom at tulong-tulong kaming lahat sa paglilinis. Matapos maglinis ay nagsimula ng magturo si Sir at May class recitation din. Another recitation rin sa oras ng Values at sa hirap ng mga katanungang ibinabato sa amin ay mukhang sementeryo ang buong silid sa sobrang tahimik at walang ni isa ang nagtataas ng kamay.

2S-A. Sa oras naman ng MAPEH, bilib nanaman kami sa mga artwork na ipinaskil ni Ma'am Mina sa pisara at kay hirap gayahin. Ang pagtuturo ni Ma'am Mina tungkol sa types of art ay nauwi sa santong kwentuhan at talagang tumaas ang balahibo namin sa sobrang kilabot sa mga kwento niya. Bawal rin mag-bonding and swimming ang mga graduatee student dahil lapitin raw sa disgrasya. Buti na lamang at di ako pumayag sa pang-uudyok sa akin nila Jobil na sumama sa swimming sa saturday. Bukod sa joker na teacher ay may pagka-horror rin si Ma'am, paminsan-minsan. Wala ang lahat ng mga kaibigan ko kaya sobrang tahimik ko at sa halip na makipagdaldalan kila Villaresis, nagbasa na lang ako ng story sa Workbook ng English at matiyaga kong iniintindi ang pagkalalim-lalim na sentence.

2S-B. May maikling pagsusulit pala sa English at ang coverage ay tungkol sa story kaya naging sisiw lamang sa akin ang mga katanungan. Kahit paano'y nagagalak ako dahil tatlo lang ang mali ko. Kaka-boring nanaman sa classroom dahil wala nanamang guro sa oras ng Math. Buti na lang at nandiyan si Kathy at siya ang nakausap ko sa panahong wala ang mga kaibigan ko. Mistulang palengke nanaman sa ingay ng buong silid kapag walang guro at may naghaharutan rin na tila daig pa ang mga nursery. Makalipas ang isang oras ay sa wakas ay may teacher na at lapit na rin ang uwian. Iwinasto namin ang maikling pagsusulit na naisagawa kahapon at sayang dahil isa na lang ang kulang at pasado na ko, medyo kinulang lang sa katalinuhan.

2S-C. Maya-maya’y oras na para umuwi sa kanya-kanyang tahanan. Saktong nakita ko si Gangang pagkababa ng tricycle at nagkaroon ng pagkakataong isauli ang hiniram na workbook. Pagdating sa bahay at upang maaliw ay nanood ako ng baliwan cinema at tawa much talaga ako, tanggal din ang stress. Kinahapunan at gawa ng nababato nanaman sa bahay ay nagtungo muli ako kina Regine. Pupuntahan ko sana si Shiela upang makipagtsikahan pero tulog raw ito sabi ng kanyang asawa. Kay Regine ako tumungo at matiyagang pinapatulog ang anak, nag-usap kami. Habang kainitan ng aming kwentuhan sa isa't isa'y biglang dumating ang manghihilot, pamilyar sa akin ang hitsura at naging manghihilot ko pala siya noong trinangkaso ako. Another takot nanaman ang naramdaman ko sa mga kwento niya.

2S-D. Pagkauwi, naku at sobrang kinikilabutan na ko, buti na lang at may kasama ako pauwi kaya malakas pa rin ang loob na suungin ang napakadilim na lugar. Alas-otso na pala pagdating sa bahay. Maya-maya, dahil sa makulit naming alagang aso'y sumiklab nanaman ang aming pag-aaway at lumalabas na ako raw ang may pakana kung bakit nakapasok si Jayson. Ipinagtanggol ko ang sarili at pinanindigang nagsasabi ako ng totoo. Bahala na sila kung nahihirapan silang paniwalaan ako, basta alam ko sa aking sarili na wala akong ginagawang masama at nagsasabi ng totoo. Nagpatuloy pa si Mama at ate sa pagdakdak subalit di ko na pinansin at natulog na lamang.


99 Siyam na pu’t siyam na araw na lang bago magpasko.


September 18, 2013
Wednesday

Year I-261

2S-E. Kahit di ko na ibig pang lumiban sa klase'y wala pa rin akong choice kundi isakripisyo ang araw na ito upang magkaroon ako ng sapat na panahon sa paggawa ng project sa Physics. Alas-singko pa lamang ay gising na ako at bumangon. Matapos kumain ng agahan ay sinimulan ko ng gupitin ang mga kinalakal na balat ng tsitserya at ang mga pinirapirasong balat ang magsisilbing laman para sa pillow. Halos buong umaga'y paggupit lamang ng tsitserya ang inatupag ko at sobra ako naging abala, naging maaliwalas rin ang panahon kaya sa labas ko ginawa ang paggugupit. Sa kadahilanang naging abala ako sa paggupit ay di ko namalayang sumapit na pala ang Alas-onse, itinigil ko muna ang ginagawa at nananghalian.

2S-F. Maya-maya at habang ako'y kumakain ay may isang babaeng tumawag sa akin. Laking pasasalamat ko sa pagmamagandang loob niya pagkat di ko inasahan na bibigyan niya ako ng balat ng tsitserya at ang dami pa. Tuloy ay hindi ko na kinailangan pang magtiyaga sa kakagupit. Pagkatapos mananghalian ay nanood ako ng telebisyon at ng antukin ay natulog muli. Mga Alas-kwatro na ako nagising at nagtungo sa computer shop upang gawin naman ang project sa Math. Puro kami project subalit ayos lang basta makapasa. Makalipas ang mahigit sa isang oras ay nagtungo naman ako sa ibang computer shop upang magpa-print at napapansin kong mukhang dumidilim ang kalangitan kaya kinailangan ko ng magmadali subalit di pa nga ako nakakalabas ay bumuhos na ang napakalakas na ulan. Malas lang at wala akong dalang payong kaya kinailangan kong magpatila.

2S-G. Mukhang tatagal pa ang ulan at gusto ko ng umuwi subalit di maari pagkat mababasa ako. Maya-maya pa'y tiyempo kong nakita si Cynt na nakapayong at ito'y pauwi na rin kaya nagpasabay ako sa kanya. Magpapasabay sana ako hanggang sa bahay nila Auntie Andrea subalit hindi na siya pumayag kaya dali-dali akong tumakbo patungo kila Auntie. Pagdating sa kanila'y saka pa lamang ako nakahiram ng payong at sa bait nila, di naging mahirap sa akin ang humiram. Pagkauwi’y sumapit na pala ang Alas-siete at naghapunan. Ng tumigil ang thunderstorm ay saka ko pa lamang binuksan ang telebisyon. Dakong Alas-nuebe na ako natulog.


98 Siyam na pu't walong araw na lamang bago sumapit ang Pasko.


September 19, 2013
Thursday
Year I-262

2S-H. Himbing na himbing ako sa pagkakatulog ng gisingin ni Mama, sumapit na pala ang ikaapat ng umaga at kailangan ko ng magmadali upang di mapagalitan ng guro kapag nahuli. Parang napakagaan ng pakiramdam ko at iyon ang nagbigay gana sa akin upang mag-aral. Sa sobrang sabik sa pagpasok, napaaga marahil ako at dahil ako pa lang ang natatanging nilalang sa silid, naglinis ako ng silid. Maya-maya pa'y dumating na ang aking kamag-aral at bayanihan kami sa paglilinis. Balikan kami sa kanya-kanyang upuan pagdating ni Sir Arnulfo at nagtalakay lamang siya tungkol sa produksyon. Sa oras naman ng TLE, sa Computer laboratory kami nagklase. Bumalik lang kami nung MAPEH time na at kahit wala si Ma'am Mina, nagkaroon kami ng artwork activity ng Impressionism. Nakakainis lang sa sarili ko pagkat di ako marunong gumamit ng oil pastel, mistulan tuloy expressionism ang artwork ko at ang tsaka ng pagkakagawa. Halos magkandapudpud na ang aking oil pastel sapagkat marami ang gumamit.

2S-I. Sa oras ng Filipino, pinasagot lang kami ni Sir Velarde sa Batikan. Sa oras naman ng English at dahil wala muling guro, mistulang palengke muli ang silid, wala akong magawa kaya naupo ako sa hagdanan at nilibang ang sarili sa paglalaro ng games, habang adik na adik ako sa paglalaro'y may biglang humatak sa paanan ko paibaba at si Marco pala iyon. Panay piglas ako subalit sa higpit ng pagkakahawak ni Marco, napadausdos ako paibaba at sumusubsob ang likuran ko sa bawat baitang ng hagdanan. Pasalamat ako at di ako gaanong nasaktan. Sa pangalawang pagkakataong umupo ako sa hagdanan, kinaladkad muli ako ni Marco at tumulong pa si Jessa at Jobil sa pagkaladkad sa akin, sa puntong iyon ay nakaramdam na ako ng pananakit ng likod dahil ilang beses na itong tumatama sa baitang at sa sakit, pasuraysuray ako sa paglalakad.

 2S-J. Heto naman sila Jessa, tawa ng tawa at ako pa ang naisipang pagkatuwaan. Maging sa pag-upo'y hindi ako makaupo ng tuwid at madalas ay pahiga pa, mukhang na-injury na ang buto ko sa likod at mga bwisit ang gumawa sa akin. Dahil sa aking kalagayan, pinapunta na ako ni Sir Harren sa clinic. Hindi ako makalakad ng diretso kaya inalalayan pa nila Mandy at Bacsal. Pagdating sa clinic, kaagad ipinasak sa likuran ko ang napakalamig na yelo upang maibsan ang pamamaga at kinausap ako. Ayaw ko sanang ipaalam kay Mama subalit kailangan at maging ang aking adviser ay ipinatatawag din. Maya-maya'y dumating na si Sir Arnulfo at inalam niya kung sino ang may gawa sa akin nito, sa takot na baka ako ang dahilan ng pagpapatalsik nila sa eskwela, kahit naiinis ay pilit ko pa rin silang pinagtakpan pero di umubra at napakanta pa rin.

2S-K. Ilang saglit pa'y dumating na rin si Mama at sa halip na mag-alala'y pinaulanan niya ako ng sermon. Sa mga sinasabi niya'y labis ang pagka-guilty ko pagkat gagastos nanaman sila para sa check-up at X-ray ko. Pagdating sa bahay, nagpatuloy si Mama sa pagbubunganga at kahit ayaw kong magpa-Xray pagkat magastos, nagpumilit pa rin si Mama at nagtungo nga kami sa hospital. Ilang araw pa bago malaman ang resulta ng X-ray kaya di muna kaagad naming malalaman at sana'y walang Fracture ang buto ko. Pagkatapos magpa-Xray at check-up, umabot sa mahigit sa isang libo ang nagastos namin. Perwisyo talaga ako at ang pera sana na gagastusin para panghanda sa kaarawan ng ate ko bukas, napunta na sa pampa-X-ray. Dahil ramdam ko pa rin ang pananakit ng likod, maghapon akong nakahiga at hindi ko maiyuko ang katawan sa sakit. Kinagabihan, sa halip na magpuyat ang mata ko sa panonood ng telebisyon ay natulog na ako.


97 Siyam na pu't pitong araw pa bago magpasko.



September 20, 2013
Friday
Year I-263

2S-L. Ramdam ko pa rin ang pananakit ng likod dahil sa nangyaring insidente kahapon subalit nagawa ko pa rin bumangon pagkat ayaw ko ng lumiban pa sa klase. Tiniis ko na lang ang sakit habang nasa tricycle at pagdating sa eskwelahan ay naupo lamang ako at di masyadong nagkikilos-kilos. Pagdating ni Sir Arnulfo'y ipinakita ko sa kanya ang resibo at maski siya'y nagulat sa laki ng nagastos namin. Pinag-usapan namin kung maghahati raw ba ang may gumawa sa akin nito sa gastusin o huwag na lang. Sa kadahilanang labis na ang aking pagka-guilty sa sunod-sunod naming gastusin ay napagdesisyunan kong mag-ambag na lang sila kung magkano ang nagastos namin kaso itong si Jessa ay nagmatigas pa at sinabing wala raw makukuha ang Mama ko kahit singkong duling kahit ipakulong pa raw siya, sa loob-loob ko'y siya na nga ang nakapilay sa akin, siya pa ang may ganang magtaray.

2S-M. Si Jobil naman, nauunawaan ko siya kung bakit di siya makakapagbayad pagkat mahirap lamang ang kanilang pamumuhay. Sa katunayan ay gumawa pa nga ng liham ang magulang niya at ipinabasa sa akin. Habang oras ng Values ay pinag-ungkat ungkat namin ni Marco kung ano nga ba ang nangyari kahapon sapagkat di siya naniniwala sa naging statement ko kay sir kahapon. Siyempre ayaw ko naman ipalabas na nag-iimbento lamang ako'y ipinagtanggol ko ang statements ko kahapon at nangatwiran pa. Panay hingi ng tawad sa akin si Marco sa bandang huli pati si Jobil at tinanggap ko naman iyon. Maya-maya’y oras na ng MAPEH at nagkaroon kami ng artwork activity kahit wala pa rin si Ma'am Mina. Patuloy ko pa rin nararanasan ang pananakit ng likod subalit tiniis ko na lamang pagkat batid kong lilipas rin iyan.

2S-N. Sa oras ng Filipino, wala si Sir Velarde kaya naging maingay muli ang silid. May nagpapalitan ng koro-koro sa isa't isa, may nagte-text at di lamang iyan pagkat may naghaharutan pa kahit malalaki na, ganyan kami kapag walang teacher hanggang sa oras ng English. Nakaupo lamang ako sa iisang tabi at upang di mabagot ay nagbasa ako. Saka pa lamang kami nag-ayos ng dumating si Sir Harren at kinamusta niya ako. Pagkatapos ay nagturo na ito. Sa oras naman ng Physics, nagkaroon kami ng seatwork at maya-maya ng tumayo ako, bigla na lamang nawala ang Answer sheet ko, bumili pa tuloy ng panibago. Ilang sandali pa'y uwian na at pagdating sa bahay, masarap na ulam ang naging tanghalian ko.

2S-O. Nakapaghanda pa rin pala si Mama kahit malaki ang nagastos namin para sa kaarawan ng ate ko. Di pa ko nakuntento at panghimagas naman ang nilantakan ko kaya labis akong naumay. Maya-maya’y nangumbida pa si Mama ng kamag-anak kaya parang may party sa bahay. Si Ate Leslie naman, sina Ate Bulehn naman ang kinumbida at talagang masaya silang nagsalo-salo mag-anak. Sa puntong iyon, ang pagka-guilty ko sa sarili, napalitan ng saya pagkat naipagdiwang pa rin ng ate ko ang kanyang kaarawan sa simple subalit masaya naman siya. Bago ako magtungo sa computer shop ay naghugas muna ako ng plato at pagkatapos ay nagtungo na. Dahil napasarap sa pakikipag-chat, ginabi na ko ng uwi at halos matumba ako sa lakas ng hangin. Kinagabihan at pagkatapos subaybayan ang paboritong programa, natulog na ako.


96 Siyam na pu't anim na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.



September 21, 2013
Saturday
Year I-264

2S-P. Nagising ako dahil sa malakas na bugso ng hangin sa labas, marahil ay umiiral nanaman ang Habagat na pinalalakas ng bagyo. Pagkatingin sa malaking orasan, Ala-una pa lang, tumulog muna ako subalit dahil sa mga pesteng lamok na kanina pa pinapapak ang dugo, hindi ako makatulog sa kakamot. Mga Alas-tres na ng madaling-araw ako natuluyang matulog. Pagkagising, Alas-otso na pala at hirap pa rin akong bumangon dahil sumasakit ang likuran. Nagpakita na ang haring araw sa labas subalit pabugso-bugso pa rin ang hangin. Kahit masakit ang likuran, nagwalis-walis pa rin ako at pagkatapos ay nagtungo ako sa computer shop upang magpa-print ng Files. Tanghali na ng makauwi ako mula sa computer shop at nananghalian pagkat kumakalam na ang aking sikmura.

2S-Q. Balak ko na sanang mag-Siyesta subalit pinigilan ako ni ni Mama pagkat sasamahan ko si Papa sa pagpapasukat ng jogging pans. Pagkadating namin sa panahian, sarado pala kaya umuwi na lang ako. Pagdating sa bahay ay saka pa lamang ako natulog at pagkagising ay dala na ni Papa ang resulta para sa aking X-ray at ang lumabas ay di naman nagkaroon ng pinsala sa buto kundi nabugbog lamang ang muscle kaya sumasakit. Pasalamat na lamang ako at walang nangyaring masama sa aking buto kung hindi, malamang ay hirap ako sa pagkilos at habang-buhay malulumpo. Naging mahangin ang panahon at bahagyang umambon pagkagat ng dilim na siyang nagbigay lamig. Dala na inaantok na ako, kaagad na akong natulog.


95 Siyam na pu't limang araw na lang bago magpasko.



September 22, 2013
Sunday
Year I-265

2S-R. Naging maulan sa magdamag na nagpalamig sa panahon kaya balot na balot ang sarili sa makapal na kumot, Alas-dos pa lamang at dala ng gusto ko pang matulog, natulog muna ako. Mga Alas-sais na ako nagising at nag-almusal. Hindi na gaanong masakit ang likuran kaya nakakakilos na ako ng maayos. Pagkatapos mag-almusal, naghugas ako ng gatambak na plato at paglilinis ng bahay ang sunod kong inatupag. Nang matapos ang lahat ng aking responsibilidad bilang tagalinis ng bahay, gumawa na ko ng takdang-aralin sa AP at pagkatapos ay nagbasa na rin ako ng kwentong pinamagatang The Glass Menagerie sa English workbook ng sa ganon ay may masagot naman ako sa recitation bukas. Walang patid ang pag-ulan sa labas kaya giniginaw ako at pagkatapos mananghalian, nagsitulugan na kami. Pagkagising at dahil napapansin kong mahaba na ang aking buhok, nagpagupit ako. Nagtungo ako sa computer shop pagkatapos magpagupit.

2S-S. Makalipas ang dalawang oras, dumaan pa ako sa bahay nila Tita Jean subalit si Itang at Habagat lamang ang nadatnan ko doon na sumasayaw ng awiting pambata. Ilang saglit pa'y dumating na sina Tita Jean at nag-usap-usap kami. Dahil napasarap ang aming usapan, Hindi ko nabatid na sumapit na pala ang gabi at kailangan ko ng umuwi. Lalo pang naging maulan kaya nangangatog na ko sa sobrang lamig. Pagdating sa bahay, saka pa lamang ako naghapunan at nanood ng telebisyon. Bahagyang tumila ang ulan subalit makalipas ang ilang saglit ay bumuhos muli kaya naging napakalamig talaga ng gabi. Sa sungit ng panahon ay mukhang masususpinde ang klase bukas.


94 Siyam na pu't apat na araw lamang bago magpasko.



September 23, 2013
Monday
Year I-266

2S-T. Naging maulan ang magdamag at wala itong patid na nagpalamig sa umaga namin. Pagkadilat pa lang ng mga mata'y kaagad kong binuksan ang radyo upang alamin ang balita kung may pasok ba ngayon. Tuwa sa sarili ang una kong naramdaman ng ianunsyo ng kakagising pa lamang na Mayor Herbert na suspendindo na ang klase, hindi ako babangon ng maaga at makakatulog pa subalit nasayang naman ang panahon upang madagdagan pa ang kaalaman. Inaantok pa ng lagay kaya umidlip muna. Mga bandang ikaanim na ng umaga ako nagising at ang umaga'y tila gabi sa sobrang dilim sa kapaligiran at patuloy na bumabayo ang pag-ulan, marahil ay epekto nanaman nito ng Habagat na pinaigting ng Bagyong Odette. Nagpatuloy ang mga pag-ulan at dahil hindi naman makalabas ng bahay ay pagbabasa ng story sa workbook ang inatupag ko. Kitang-kita na sa telebisyon kung gaano na kataas ang baha sa ibang lugar at dala ng magdamagang pag-ulan ay malalim na ang baha.

2S-U. Matapos manood ng telebisyon ay naghugas ako ng plato. Naging napakalamig ng panahon kaya matapos mananghalian ay natulog ako, tumila naman ang ulan pagsapit ng tanghali. Pagkagising ay nilalamig pa rin ng lagay at alang-alang sa amoy ng aking katawan na dalawang araw ng hindi naliliguan, kahit giniginaw ay naligo pa rin ako. Hindi na bumuhos pa ang ulan sa maghapon kaya malaki ang pasasalamat namin na hindi na babaha. Kinagabihan, kahindik hindik na balita ang aming napanood dahil nagkaroon ng landslide sa Zambales dulot ng Habagat at marami ang natabunan, may ilang nakaligtas subalit bakas sa katawan nila ang hirap na pinagdaanan at tadtad sila ng galos at sugat. Maya-maya’y umulan nanaman subalit di na kalakasan gaya ng lumipas na mga sandali. Sobrang lamig ng gabi na animoy nasa ibang bansa kaya balot na balot ako ng kumot sa pagtulog.


100 | 93 Siyam na pu't tatlong araw na lang bago magpasko.



September 24, 2013
Tuesday
Year I-267

2S-V. Tumila na ang ulan at dahil may pasok na, mga dakong Alas-kwatro pa lamang ay gumising na ako at nag-almusal subalit ramdam ko ang malamig na panahon at nababalot ng hamog ang buong kapaligiran. Sa bilis magpatakbo ng manong driver na tila nakikipagkarera'y kaagad akong nakarating sa eskwela. Sila-sila pa lamang ang nadatnan kong nasa silid, daming mga papel at iba pang nakakalat sa sahig, nabuwisit tuloy ang mga kaklase ko sa mga HSP student na di pinapahalagahan ang kalinisan ng classroom. Bago pa man dumating si Sir ay tulong-tulong kaming nagwalis at pagkatapos ay nag-floorwax. Hindi ako makayuko dahil sumasakit pa ang likuran at patayo ako nag-floorwax.

2S-W. Ilang sandali pa'y dumating na si Sir Arnulfo at kaagad kong ipinakita sa kanya ang X-ray result. Sinabi ni Sir na namamaga lang daw ang muscle at wala namang problema sa buto. Isa-isa rin tinawag ni sir ang mga pangalan at ibinigay kung ano ang iuulat na sa Huwebes pa naman gaganapin at isa ako sa natawag. Another pag-uulat muli sa AP. Sa oras naman ng TLE ay sa computer laboratory kami nagklase, naging maingay ang kapaligiran kaya halos di na magkarinigan. Sa oras naman ng MAPEH ay artwork nanaman at iyon ay Cubism. Sa kakapusan ng oras, ipinauwi na lang sa amin ni Ma'am ang paggawa ng cubism. Sa oras ng Filipino, wala nanaman si Sir Velarde kaya maingay nanaman ang buong klase lalo na sila Rommel at Ibarra na pahiyaw pa. Lumabas muna kami ni Jessa at nagpagalagala ng sa ganon ay hindi mabingi sa ingay. Diretso recess na rin kami.

2S-X. Doble kaba ang nadarama sa dibdib pagkat may grading recitation sa English. May ilang tinawag na sablay ang sagot. Ng ako na'y buong tapang kong hinarap si Ma'am Miranda at ginalingan ko sa pagsagot kahit nosebleed na. Parang nabunatan ako ng malaking tinik matapos sumagot, siyempre iba talaga kapag masipag kang magbasa. Sa oras ng Math ay nagturo lang si Sir at may bago kaming technique na natutuhan sa pagresolba ng mathematical problem. Maya-maya’y unahan sa pagpunta ng pisara, gustong-gusto kasing makakuha ng limang puntos. Pagkatapos ay nag-seatwork kami.

 2S-Y. Sa oras ng Physics, iyan nanaman si Sir Martin na laging nakangiti at nagkaroon kami ng activity, sa oras na lumalabas si Sir ay tinginan ng sagot sa katabi at kahahaba ng leeg, mga Giraffe kasi. Sa dali ng activity ay kaagad ko iyon natapos. Pagkalabas, ang haba ng pila sa school campus, yun pala'y may nagpapamudmod ng bala ng Happy feet, napanood ko na iyon kaya hindi na ko nagkumahog pa sa pagpila. Pagdating sa bahay ay kaagad na natulog ako. Pagkagising, ipinagpatuloy kong gawin ang Artwork sa MAPEH na Cubism. Sa hirap na kailangang pantay-pantay ang pagkakapatong ng ginupit na papel na may drawing, muntikan ng sumuko sa paggawa. Natapos naman bago sumapit ang gabi.


99 | 92 Siyam na pu't dalawang araw na lamang bago sumapit ang Pasko. Ngayon pa lang dama ko na ang simoy nito.



September 25, 2013
Wednesday
Year I-268

2S-Z. Medyo inaantok pa at sarap pang matulog pero pinilit ko pa rin bumangon at nag-almusal. Hindi ako naligo sa takot na baka lagnatin mamaya at nakakaramdam ng pananakit ng lalamunan. Maliwanag na akong nakaalis ng bahay. Sa di inaasahan, siyete pa lamang ang naibibigay ko kay manong pero otso na raw, nagtalo kami at may pagtataray na sinabing huwag na akong sumakay. Hindi na ko umimik pa at pinabayan na lang siya, piso lang naman iyon. Ang bilis rin niyang magpatakbo at halos maalis ako sa aking kinauupuan, buti na lamang at nakahawak ako ng mahigpit at tinandaan ang numero pagkababa upang di na sasakyan pa. Sangkatutak na kalat ang sumalubong sa akin pagpasok ng silid at bwisit yung mga third year, di man lang naglinis. Kaarawan ngayon ni Patrick kaya binati ko siya subalit sa halip na matuwa'y napikon pa ito pagkat ayaw raw niyang binabati. Ilang sandali'y AP na at nagturo si Sir hinggil sa negosyo.

2T-A. Sa oras naman ng MAPEH ay artwork muli subalit sa kakulangan ng materials ay hindi na ako nakagawa pa. Ang maputi at malilinis na kamay ng aking kamag-aral ay napahiran ng iba't ibang kulay ng poster paint. Ang dudugyot na tuloy nila at anong klaseng art kaya pinapagawa ni Ma'am Mina, puro guri-guri at hindi maintidihan ang bawat detalye, marahil ay iyon na ang pinakapangit na art na nagawa nila sa tana ng buhay kasi kakaiba ang istilo. Maya-maya'y Filipino na at suguran silang lahat sa lababo upang maghugas ng kamay at habang di pa dumadating si Sir Velarde'y ipinagpatuloy kong gawin ang assignment sa AP subalit hirap akong mag-concentrate pagkat saksakan ng ingay sa classroom, buti na lamang at kaagad na dumating si Sir Velarde kaya biglang tumahimik. May pangkatang pag-uulat rin kami sa El Filibusterismo.

2T-B. Ilang sandali pa'y oras na ng recess, absent si Jessa kaya wala akong kasabay patungong canteen. Pagkabalik sa classroom ay may artwork na nakapatong sa upuan ko at saktong walang pangalan, tinanong ko kung kanino iyon subalit walang nasagot kaya kahit di ko gawa'y inangkin ko na, may maipasa lang. Sa oras ng English ay di dumating si Ma'am Miranda subalit may humalili sa kanya ang student teacher niyang si Sir Buenaventura at isa-isa niya kaming binigyan ng group presentation. Sa oras ng Mathematics, itinuro ni Sir Harren ang synthetic division. Hindi pa rin nagbabago si Sir Harren sa tagal ng aming pinagsamahan dahil titingnan niya ang lahat ng naka-display sa dingding tapos lalaitin niya lang at wala raw kaming originality sa bulletin board ng Third year.

2T-C. May haka-hakang mga third year ang may dahilan kung bakit nasira ang bulletin board namin at nanggaya pa sa kanila. Kaimbyernang guro talaga si Sir Harren at di na lang magturo. Sa oras naman ng Physics ay kaba sa dibdib ang naramdaman ko dahil may report kami. Ng nasa pisara na'y lakas ng loob ang pinairal ko kaya hindi naman ako pautal-utal mag-report. Dami namin tawa ng sila Nathaniel na ang nag-ulat at masyadong maarte sa pag-Ingles. Panay takip ng bibig habang nagsasalita si Nathaniel pagkat bungal ito. Ilang sandali pa, uwian nanaman. Pagkapananghalian ay diretso computer shop ako upang makapag-search ng iuulat sa AP. Matapos magkumpyuter ay sinimulan ko ng gawin ang biswal mga, dakong Alas-kwatro ko na ito natapos at nagkabisado ng sasabihin.

2T-D. Kinagabihan ay di pa rin natutuldukan ang kaguluhan sa Zamboanga at patuloy pa rin sumasalakay ang mga MNLF laban sa mga tropang sundalo. Kalunus-lunos na ang sinapit ng lugar nila dahil kitang-kita ang mga ari-ariang nagkandawasak wasak na at parang dinaan ng bagyo at kung nagkataon dito nangyari, takot lang namin pagkat baka may mapahamak. Sumunod ay Juan dela Cruz na may pagkakahalintulad rin sa sitwasyon sa Zamboanga subalit sa halip na mga sundalo't rebelbe ang magtuos ay iba't ibang kathang isip na mga nilalang ang sumasalakay. Diretso tulog matapos panoorin ang paboritong drama.


98 | 91 Siyam na pu’t isang araw na lamang bago magpasko.



September 26, 2013
Thursday
Year I-269

2T-E. Madaling araw ay bumuhos nanaman ang malakas na ulan na siyang gumising sa akin subalit tumila naman ito pagsapit ng Alas-kwatro kaya tuloy pa rin ang pasok. Mga Alas-singko na ako nakaalis ng bahay at ang haba ng pila sa antayan ng tricycle, sa sobrang haba'y inabot na ako ng Alas-sais ng makaalis subalit di naman ako nahuli pagdating sa eskwela. Habang wala pa ang presensiya ng aming adviser ay todo ensayo ako sa pagre-report upang di magkalat at mapahiya sa maraming kamag-aral. Makapigil hiningang kaba ng dumating si Sir subalit nagturo pa ito. Sa kadaldalan ni Sir Arnulfo ay naubos na ang oras kaya ligtas kaming lahat na reporter sa pag-uulat. Bukod sa maraming natutuhan ay may time pa para makapaghanda. Sa oras naman ng TLE ay itinuro sa amin ni Sir Balbin kung paano mag-reformat ng files, medyo nakakalito sa unang tingin subalit ng matapos ay madali lamang pala.

2T-F. Sa oras ng MAPEH, artmaking muli ang activity at madudumihan nanaman ang kamay sa poster paint. Kahit walang dalang sariling poster paint ay gumawa pa rin ako at nakigamit sa iba kong kamag-aral. Di ko rin dala ang oil pastel kaya nanghiram ako kay Ashley pagkat batid kong siya lang ang bukod tanging may dala ng oil pastel subalit ipinagkait niya ito sa'kin at di ko siya maintindihan, kay Reynald ako nanghiram subalit laking gulat ko ng biglang bawiin ni Ashley ang oil pastel, di pa nga ako tapos sa pagkulay. Sa kanya pala iyon, sobrang nayamot ako sa kanya subalit pinigilan ko pa rin ang emosyon. Nagliliyab pa rin ako kapag nakikita si Ashley at gusto ko siyang batuhin subalit baka ako pa ang mapasama.

2T-G. Sa totoo lang ay di naman ako mayayamot sa kapwa kahit magmaramot siya kaso ang ikinapuputok ng budhi ko'y yung kapwang tinulungan mo na nga at pinagbigyan subalit kapag ikaw ang nangangailangan ay ni isa niyang kamay ay wala kang mapapala at nakakainis ang ganong tao, walang utang na loob! Hindi ako naghahangad ng kapalit pero sana naman huwag siyang maging maramot sa akin. Sa oras naman ng English ay hindi nanaman sumipot si Ma'am Miranda kaya lahat ng gusto ng akin mga kaklase'y malayang magagawa. Ipinagpatuloy kong gawin ang project sa Math. Balikan sa kanya-kanyang upuan ng biglang dumating si Sir Harren at sinermunan kami. Kahit nagagalit ay dinadaan pa rin niya sa biro kaya sa halip na manaig ang takot ay halakhakan kami, mga adik talaga at ang bababaw ng kaligayahan. Sa ikli ng sermon ni Sir, nakapagturo pa rin siya.

2T-H. Sa oras ng Physics ay may exhibition kami. Kaunti lang ang nagdala ng lata kaya kaunti lang ang nakasama sa exhibit. Anu ba 'yan mga kasama ko, di ko mga kaibigan at ang hirap pakitunguhan. Kaming lima lamang ang nasa exhibit at sa halip na mag-enjoy ay tila banas na banas ako. Sa sobrang bagot ko sa kanila'y umalis na lamabg. Pagkabalik sa classroom ay ibinalita sa'kin ni Jobil na dumating raw ang nanay ni Jenny mae at pumasok raw ito. Hindi na ko nagtaka kung bakit wala sa klase si Jenny sapagkat ugali niya ang mag-cutting. Ilang sandali pa'y tumunog ang bell at uwian na. Kasabay ko si Jennifer sa tricycle at tamang kwentuhan lamang kami. Pagkarating sa bahay ay diretso lamon ng nilutong ulam. Pagkatapos kumain ay natulog ako. Pagkagising ay biglang sumakit ang lalamunan ko at binabahing pa, marahil ay sisipunin nanaman. May balak sanang magtungo sa bahay ng friends ko pero sama ng pakiramdam ang pumigil. Pagkagat ng dilim ay sinipon na nga ako kaya hirap akong matulog.


97 | 90 Siyam na pu't araw na lang bago sumapit ang pasko.



September 27, 2013
Friday
Year I-270

2T-I. Sa kasibaang matulog, si Mama na mismo ang gumising sa akin at pagkatingin sa malaking orasan, kailangan ko ng magmadali sapagkat sumapit na pala ang Alas-singko ng umaga. Pagkatungo sa silid, laking pasalamat ko pagkat wala pa si Sir Arnulfo. Ilang saglit pa'y dumating na siya at nagsimula ng mag-ulat ang mga itinalaga niya. ang hirap ng lesson sa AP pagkat parang Mathematics na kailangan pang kompyutin ang given quantity para makuha ang quantity ng demand. Dahil nanamanan sa kadaldalan ni Sir Arnulfo, naubusan na siya ng oras at di na nakapag-ulat pa ang susunod. Basta baklitang guro talaga, di nauubusan ng sasabihin.

2T-J. Sa oras naman ng Values, nagturo lamang si Ma'am Fabiana at ilang saglit makalipas ay nagkaroon kami ng class recitation. Medyo may kahirapan ang mga tanong kaya mangilan-ngilan lamang ang nagtataas ng kamay. Ilang saglit pa'y oras na ng MAPEH at nagkaroon muli kami ng artwork activity, dugyot nanaman ang aming kamay dahil sa kakasawsaw sa poster paint. Sa oras naman ng Filipino, mukhang tinatamad muling magturo si Sir Velarde kaya wala siyang ibang ipinagawa sa amin kundi magpasagot sa Batikan, kaso sa halip na kamay ang gamitin ay bibig pa kaya maingay ang silid kahit may guro.

2T-K. Maya-maya’y recess time na at kasabay ko sila Jenny mae patungong canteen. Sa takot na baka pahiyain ni Ma'am Miranda at pagalitan kapag nahuli ay di na kami nagtagal pa sa canteen. Pagbalik sa silid, nasa pisara na si Ma'am Miranda at pinagbasa niya lang kami ng story by group. Parang daig pa namin ang grade 1 kung magbasa pagkat di maintindihan at walang kabuhay buhay, bagay na madalas sinisita ni Ma'am Miranda. Bago pa man dumating si Sir Harren ay inayos na namin ang upuan. Nagturo lamang si sir tungkol sa Quadratic formula. Ilang saglit pa'y oras na ng Physics, tilian nanaman ang mga haliparot kong kamag-aral pagkat magtuturo muli ang kinababaliwan nilang si Sir Martin. 

2T-L. Kaarawan rin ni Mary Joy kaya masigabo namin siyang binati ng paulit-ulit at pinalakpakan. Swerte ni Mary Joy pagkat binati siya ni Sir Martin at ang sweet pa nila na halos dumugin na ng langgam. Maya-maya pa'y uwian na at kasabay ko si Gangang sa pag-uwi. Kinahapunan at dahil nababagot ako sa bahay ay naisipan kong magkumpyuter. Nang magsawa't sa halip na dumeretso sa sariling bahay, kila Regine ako nagtungo. Inabot na ko ng dilim sa kanila at medyo nakakatakot ng dumaan. Dahil wala namang pasok kinabukasan, nagpuyat ako sa pagsusulat. Habang abala sa pagsusulat ang saktong pagdating ni Ama at may dala itong Chocks to go. Kahit nakapaghapunan na at sa juicy at tenderness nito, di namin napigilang lantakan ito. Labis-labis ang pagkaumay ko sa dami ng kinain.

96 | 89 Walong pu't siyam na araw na lamang bago sumapit ang Pasko.



September 28, 2013
Saturday
Year I-271

2T-M. Kahit natulog na ko ng hatinggabi na puno ng pagkain ang sikmura ay nagising pa rin ako ng panatag at walang bumabagabag sa kalooban. Mukhang kay ganda ng umaga ko at parang walang problemang darating, sana nga'y tama ang kutob ko at kung dumating man ay buong tapang ko itong kakaharapin. Pagkabangon at tingin sa malaking orasan, Alas-sais pa lamang. Dumeretso ako sa kusina at nagkape, wala kasing almusal na nakahain dahil busy si Mother Nature sa paglalaba. Ang daming tambak na hugasin kaya bago gumora sa computer shop, sige ako sa tanggal ng mumu at pahid ng dishwashing liquid sa platong nanggigitata sa sebu. Pagkatapos maghugas ay humingi ako kay Papa ng pera. Wala ng paligoy-ligoy at sabi-sabing ibinigay kaagad ni Papa ang pera. Tirik na tirik ang araw ng magtungo ako sa computer shop upang gumawa ng project sa Math. Kakaunti pa lamang ang nagkumpyuter sa shop kaya di ako gaanong naiisturbo. Halos dalawang oras rin ako nasa kumpyuteran, sa hirap ba namang gumawa ng crossword puzzle.

2T-N. Kaagad akong tumuloy sa Taas at inilimbag ang ginawang project kasama na rin ang mga activity sa MAPEH. Habang naglalakad pauwi'y may tumawag sa pangalan ko, si Babylyn pala iyon. May kasabay na rin sa pag-uwi. Sa tagal na di kami nagkikita at nagkakausap ay kamustahan kami. Alas-dyis na ako nakarating sa bahay at sobrang na-haggard ako. Ilang sandali pa ang lumipas at oras na ng tanghalian. Medyo hindi kami nagkaunawaan ni Mama dahil sa istilo ko sa pagkain. Ang konting alitan, nauwi sa walang humpay na dakdak at sa halip na sumagot ay naupo na lamang ako sa isang tabi. Medyo maalinsangan ang panahon kaya ganon na lamang kainit ang ulo ni Mama. Pati sa pagligo ko'y di niya pinaglagpas at pagkalabas ng banyo, sangkaterbang masasakit na salita ang ibinato sa akin at sinabihan ba naman akong sinungaling. Sa puntong iyon ay doon ko na siya sinimulang sagutin.

2T-O. Nakakairita ang bibig niya at talagang napakaraming sinasabi. Kakadakdak ko, napagod ako at natulog. Saktong napakadilim sa kapaligiran ng pagkagising ko at inakalang gabi na subalit Alas-kwatro pa lang ng hapon. Mukhang bubuhos nanaman ang ulan at ilang sandali'y bumuhos na nga. Sa lakas ng ulan, halos bumaha na sa lansangan at marami nanaman ang mga bata ang masayang nagliliwaliw sa ulan. Habang nakaupo sa sala at pinagmamasdan ang ulan sa bintana'y bigla na lamang nagningas ang kalangitan dahil sa kidlat na sinundan ng kulog. Nagulat ako at dali-daling nagtaklob ng teynga. Naulit pa ang pagkidlat at nangamatay ang mga ilaw, marahil ay brownout. Lalo pang dumilim ang kapaligiran at parang may malakas na unos ang nanalanta.

2T-P. Umabot hanggang gabi ang brownout. Dahilan daw ng pagkakaroon ng brownout ang pagtama ng boltahe ng kidlat sa poste ng kuryente, nakakatakot naman at may nabalita ring tinamaan ng kidlat. Kinagabihan ay naging matahimik at napakadilim ng kapaligiran gawa na walang kuryente. Hindi naman makanood ng telebisyon gawa na black-out kaya diretso sa higaan matapos kumain. Maya-maya, biglang bumukas ang ilaw at masaya kaming lahat dahil may kuryente na. Nakanood pa ko ng telebisyon. Mga Alas-onse na ko natulog pagkat nanood pa ako ng Miss world at iba't ibang dalaga sa iba't ibang bansa ang nag-uumapaw sa ganda lalo na si Miss Philippines. Gawa ng hinihikab-hikab na ko ay di ko na naabangan pa kung sino ang itinanghal na Miss world 2013 at nakatulog na ko.

95 | 88   Walong pu't walong araw na lang bago magpasko.



September 29, 2013
Sunday
Year I-272

2T-Q. Alas-sais pa lamang ng umaga ng maisipan ko ng bumangon pagkat marami pa akong gagawin. Ang kahapong napakasungit ng panahon ay tila kabaligtaran ngayon pagkat sumikat pa rin ang bukangliwayway at kitang kita sa kalawakan kung gaano ito kalinis at matingkad sa pagkabughaw na animoy walang darating na unos at magiging maaliwalas ang maghapon. Medyo nakakaramdam na rin ng pangangasim kaya inom muna ako ng maraming tubig bago magkape. Matapos humigop ng mainit na kape'y naghugas ako ng plato at nagwalis. Mukhang high energy ako at makakayang gawin ang lahat ng gawaing bahay. Pagkatapos magwalis at magpunas ay ipinagpatuloy kong sagutan ang worksheet sa Math at sa wakas ay natapos din. May balak sana akong mag-ensayo ng wellness dance subalit hindi ko mahagilap ang aking card reader. Sa kakahanap ng card reader ay sobrang nayamot ako at tumulo pa ang pawis, tumigil na lang ako at naupo.

2T-R. Sa di inaasahan ay napakatanga kong maghanap dahil si Mama pa mismo ang nakakita ng card reader ko at inabot ito sa akin. Saka ko pa lamang sinimulan mag-ensayo. Sa isang oras ba namang magsasayaw sayaw kaharap ang flat screen television, sobrang pinagpawisan ako at nakaramdam na rin ng pagod. Naglupasay ako bigla sa kama matapos ang ensayo. Ng makapagpahinga'y binuksan ko muli ang telebisyon at nanood ng balita. Kahit sunod sunod ang kalamidad na dumarating sa Pilipinas tulad ng Habagat at kaguluhan sa Zamboanga pati na rin ang pagkulimbat sa kaban ng bayan ay may maibubuga naman ang Pilipinas pagdating sa pagandahan at patalinuhan pagkat nakapag-uwi ng korona si Megan Young bilang Miss World 2013. Maraming mga Pilipino ang nagbubunyi dahil sa wakas ay may nakapag-uwi na rin ng korona para sa Miss world at di lang yan, may nakapag-uwi rin ng korona para sa Miss Supranational. Angat talaga ang lahing Pinoy pagdating pagandahan at pagwapohan, ang bait ng Panginoon kasi.

2T-S. Matapos manood ng telebisyon ay nag-Siyesta muli ako upang dagdag lakas at sigla. May balak sanang mamasyal at gumawi sa bahay ng kaibigan subalit nagbabadya nanamang umulan kaya hindi ko na naituloy. Ilang saglit pa'y bumuhos na nga ang ulan na sinabayan pa ng pagkulog at pagkidlat. Dahil sa thunderstorm kaya di muli nakanood ng telebisyon. Ng magwakas ang thunderstorm diretso sala kami at sabay bukas ng telebisyon. Grabe yung guro sa kanyang mga estudyante, sa halip kasi na magturo'y minumura niya ang mga bata at minomelestiya pa, awa at galit ang naramdaman ko at sana'y matanggal sa serbisyo ang ganong guro. Parang mahirap rin maging guro dahil mahabang pasensiya ang kailangan, dahil kung hindi ay maari kang mawalan ng trabaho at makasuhan pa. Bandang Ikasampo na ng gabi ng magpasyang matulog at sana'y magising ako ng maaga.

94 | 87 Walong pu't pitong araw na lamang ang nalalabi bago sumapit ang Pasko. Malapit na.



September 30, 2013
Monday
Year I-273

2T-T. Sumapit muli ang araw ng Lunes at bago nanamang karanasan ang kakaharapin sa buong linggong ito. Medyo nakakaranas pa ng antok subalit kailangan ko ng bumangon upang hindi mahuli sa pagpasok. Hirap rin talaga kapag pang-umaga ka, kailangan mo ng bumangon kahit inaantok ka pa at feeling mo, parang bitin ang iyong pagtulog tapos kailangan rin kumain kahit busog ka pa upang di kumalam ang sikmura sa kalagitnaan ng klase. Pasikat na ang bukangliwayliway ng makaalis sa bahay bitbit ang malaking unan na yari sa balat ng tsitserya. Pagdating sa eskwela, laking nganga ng bibig ko sa mga gawang unan ng aking kamag-aral dahil may mga palamuti ito at ang gagarbo pa, lalo pa kong namangha at pati na rin sila ng makita ang dalang unan ni Nathaniel, bukod sa may palamuti ay may zipper din ito at nakabog kaming lahat sa unan ni Nathaniel, kung nagtiyaga lang ako, di sana'y ganon rin kaganda ang ipapasang unan at mapapa-wow pa si Sir Martin.

2T-U. Ang kaninang saksakan ng ingay sa silid ay biglang nanahimik sa isang iglap pagdating ni Ma'am Fabiana at nagturo lamang ito tungkol magandang balita ng Diyos. Sa oras naman ng TLE ay sa computer laboratory kami nagklase. Sa oras ng MAPEH, art activity muli subalit hindi ako nakapagdala ng materials kaya mukhang hindi nanaman makakapagpasa. Pinalabas ni Ma'am Mina ang lahat ng walang dalang materials at sa halip na sayangin ang panahon sa pakikipagdaldalan ay nanghiram kami sa ibang seksyon subalit ni isa ay walang nagpahiram. Pagdating sa seksyon Araneta, wala rin kaming mahiraman. Hindi muna ako bumaba at nakipagkwentuhan pa kay Dexter.

2T-V. Makalipas ang isang oras ay bumaba na ko at nakisabay kila Jennifer. Saktong wala na si Ma'am Mina pagkabalik sa silid ngunit di pa rin tapos ang ilang kong kaklase sa art activity. Anu ba 'yan si Ma'am Mina, puro pagawa ng arts at ang hihirap pa pero sa ibang seksyon na nakausap ko tulad ni Dexter at Jennifer, drawing lang daw sa kanila. Isa pa'y di raw nangbabagsak ang guro nila. Maya-maya’y Filipino na at natuloy pa rin ang pag-uulat kahit di dumating si Sir Velarde. Sa oras naman ng English ay si Sir Buennaventura pa rin ang guro namin at nagkaroon kami ng activity. Maya-maya’y biglang sumulpot si Ma'am Miranda at nagtanong kung sino ang nagbasa sa amin. Walang sumagot ni isa kaya nag-umapaw sa galit si Ma'am Miranda at sinabihang kailangan raw namin ipatawag ang magulang bukas.

2T-W. Parang iba ang attitude ni Ma'am kumpara noong naging adviser namin siya na very close at parang nanay nga ang turing namin sa kanya. Siguro nga'y may ilang bagay ang nakapagpabago kay Ma'am, tapos madalas na rin uminit ang ulo nito. May puso pa rin si Ma'am ng sabihing may recitation kami bukas at kailangang makasagot upang hindi ipatawag ang parents. Halos mayanig ang buong silid dahil pasigaw kung magalit si Ma'am. Pagkaalis ni Ma'am Miranda ay Math na at ipinagpatuloy namin tapusin ang long test. Maya-maya’y nagtsek kami ng worksheet at long test.

2T-X. Ako’y nagagalak kahit di magaganda ang nangyayari dahil matataas ang nakuha ko. Maya-maya’y Physics na at pasahan na ng pillow. Ng si Mandy na ang magpasa, tawanan kami pagkat napakalaki ng unan niya at sa laki'y di na nagkasya sa sako, tapos nasira pa ni Sir Martin ang zipper ng unan. Sa laki, pwede ng ipang-unan sa ulo. Maya-maya’y oras na ng uwian at bago umuwi'y nagtungo muna ako sa MAPEH department upang ipasa ang ginawang activity. Sa wakas at nakapagpasa na rin at laki ng pasasalamat kay Ma'am Mina dahil tinanggap pa rin niya kahit late na. Pagkauwi ay nananghalian ako at natulog. Kinagabihan at ng matapos ang takdang-aralin ay nanood ako ng telebisyon. Mga Alas-nuebe ko na maisipang matulog.


93 | 86 Walong pu't anim na araw na lamang ang nalalabi at Pasko na