August
01, 2013
Thursday
Year I-213
Thursday
Year I-213
2K-W. Sa kasarapan ng
aking tulog ay si Mama muli ang gumising sa akin at medyo inaantok pa ng lagay,
marahil ay napuyat ako ng husto kahapon sa kakagawa ng project.
Bago pumasok sa eskwela'y pinag-usapan namin ni Mama kung sino ang magdadala
ng project ko. Dahil malaki at maaring liparin ng malakas na
hangin kapag sumakay ako sa tricycle, nagdesisyon ako na si Mama na
lang magdala ng Project at mag-espesyal na lamang daw.
Madalang pa lang ang pagdating ng mga estudyante ng datnan ko sa eskwela at
nagkaroon ng pangkatang pag-uulat sa AP.
Ilang saglit pa'y TLE na
at nagkaroon kami ng Periodical test, naging mahirap sa
akin ang sagutan ang exam sapagkat hindi ako nakapagrepaso.
Habang di pa dumarating si Ma'am Mina, nagrepaso ako
sa MAPEH, maya-maya
pa'y dumating na si Maam Mina at sa covered court namin
isinagawa ang periodical test.
2K-X. May ilang components sa MAPEH ang sadyang nahihirapan
ako pero sa pangkalahatan nama'y sisiw lang at mukhang makakatamo ng mataas na marka.
Sa oras naman ng Physics ay nagkaroon kami ng pangkatang
upuan, habang nagpupulong ay ang siyang dating naman ni Mama bitbit ang ginawa
kong project. Di pa man nakakapa ng mga kagrupo ko ang
pinaghirapang project ay samu't saring pambabatikos na ang
ginawa nila at sinabing kailangan pang palitan ang mga nilagay ko. Bago sumapit
ang oras ng Recess ay pinag-usapan namin kung ano ang gagawin
sa ginawang imbensyon. Maya-maya'y recess na at dahil may
dalang baon, sa silid na ako kumain. Sa oras naman ng English ay
nagkaroon kami ng long-test at pagkatapos ay tseking,
dismayado ako sapagkat napakababa ng nakuha ko.
2K-Y. Sa oras naman
ng Math, nagkaroon rin kami ng periodical test at
panay computation ang ginawa ko, medyo nakakaramdam ako ng
antok kaya hirap akong mag-concentrate sa pagbabasa at pag-intindi. Maya-maya'y sinabi
ni Sir Harren na ipagpatuloy na lamang bukas at
nagsilipatan na kami sa kanya-kanyang upuan sa Physics. Pasahan na
ng notebook at dahil may ilan akong kamag-aral na nakalimutang
dalhin ang kwaderno, labis na na-high blood si Sir. Sayang at
napakakisig pa naman ni Sir Martin at aakalaing napakaamo niya
subalit kung magalit, daig pa ang tigre. Super dupper pressure tuloy
kami pagkat tuloy ang pasahan ng project bukas. Sila Mary Joy na
ang nagdala ng ginawa kong imbensyon at gagawin kila Jobil. Umuwi
muna ako at nananghalian, pagkatapos ay nagtungo na sa bahay nila Jobil.
si Mary Joy at Rachel (Remillo) pa
lamang ang nadatnan kong nasa bahay kaya di muna kami kaagad nagsimula.
2K-Z. Ilang saglit pa'y
dumating na sina Cynt at Jayvie ann subalit
kulang pa rin kami. Kahit kulang ay nagtulungan pa rin kaming ayusin at
pagandahin ang ginawang Project. Ang seryosong pagdidikit ng mga
papel at paghiwa ng styrofore, nauwi sa lokohan at tawanan kaya
halos mabulabog na ang buong bahay nila Jobil pagkat sadyang
napakaingay namin. Madalas ay ako ang tampulan ng katatawanan subalit kahit
ganon ay naging napakasaya ng araw ko dahil sa kanila at sana'y maulit pa. Lalo
pang naging masaya ng dumating sila Stephanie at nakisali sa
aming lampungan. Tuloy ay di na namin matapos-tapos ang project at
kakahiya kila Jobil pagkat ang ingay namin. Inabot na kami ng
Alas-singko ng matapos ang project. Ako ang nagbitbit ng project at
kasabay si Rachel sa pag-uwi, napakasuplada ng Rachel na
iyan at sa tuwing kakausapin ko siya, ayaw niya't di namamansin, hinayaan na
lamang siya.
2L-A. Habang naglalakad
ay bigla na lamang dumilim ang kalangitan at nagbabadya pang umulan. Sa takot
na baka mabasa ang bitbit na project kapag naabutan ng ulan,
napag-isipan kong ipatago muna kina Aling Nenita at
kunin na lamang bukas. Pumayag naman sila at binilisan ko na sa paglalakad
pagkat anumang minuto'y uulan na. Ayan na nga at umulan na at sinabayan pa ng
pag-ihip ng hangin kaya ako’y nabasa kahit nakapayong. Mistulang basang sisiw
tuloy ako pagdating sa bahay at naghapunan. Matapos maghapunan at kahit puyat
na'y nagtungo pa rin ako sa computer shop upang
gumawa ng output. Pagkalimbag at pagdating sa aking sweet home ay
kaagad na akong natulog sa tindi ng pagod. Ka-stress ang araw na
ito pero masaya naman at enjoy pa.
August 02, 2013
Friday
Year I-214
2L-B. Medyo inaantok
pang muli at mukhang di sapat ang oras ng pagtulog ko subalit bumangon pa rin
ng maaga at nag-almusal. Bago pumasok sa eskwela'y nagtungo muna ako kila Aling Nenita upang
kunin ang ipinatagong project kahapon. Buti na lamang at
gising na sila ng ganoong oras kaya di ako nahirapan sa pagkuha. Pagdating sa
eskwela, haba ng pila ang sumalubong papasok ng gate. Inabot na
tuloy ako ng liwanag ng makarating sa silid at inilapag ko na ang project sa
likuran upang di masira. Maya-maya'y Araling Panlipunan na at
nagkaroon kami ng mahabang pagsusulit. Medyo inaantok talaga ako kaya di ako
makapag-concentrate, nanghula-hula na lamang ng sagot kaysa makipagbuno
sa mahirap na tanong. Values time na subalit dama
ko pa rin ang kakulangan sa pagtulog at tila gusto kong matulog, nagkaroon rin
kami ng periodical test at pagkatapos ng periodical test ay
nagtsek kami, kahit paano'y pasado ako kahit pupungas-pungas ang ungas.
2L-C. Sa oras naman
ng MAPEH ay
nagtsek lamang kami ng periodical test, pagkatapos ay nanlumo ako
at labis na nadismaya pagkat nagrepaso naman ako pero bakit nagkaganon ang
nakuha kong marka. Maya-maya'y Filipino na at nagkaroon rin
kami ng Periodical test, doon na talaga na gusto ko ng
matulog pagkat hirap ng labanan ang antok subalit di ako sumuko at nagpatuloy
pa rin sa pagsagot. Nawala naman ang antok ko kung kailan recess time na
at sa halip na kumain ay itinuon ko ang oras sa pagrerepaso at ng English time na,
naging lang sisiw sa akin ang Periodical test. Sa oras
ng Math ay ipinagpatuloy namin sagutan ang Periodical
test, dahil di na ako inaantok ay ginanahan na ako sa pagsagot at pagkompyut
hanggang sa matapos ko, kaso lang ng tseking ay si Leonardo lamang
ang nakapasa sa amin. Ano kayang mayroon kay Leonardo at sa
lahat ng mga pagsusulit ay laging siya ang highest at pasado.
2L-D. Sa oras naman
ng Physics ay nagkaroon rin kami ng periodical test at
di naging biro sa akin ang sumagot. Pagkatapos ay ipinasa na naming lahat ang
ginawang imbensyon pati ang output. Naku at mukhang nagpamalas
nanaman si Sir Martin ng kulo ng dugo, hiya naman kami sa mga
sinabi niya pagkat pang-elemantarya raw ang gawang project. Matapos
lumuwa ang utak ko at utak nila sa kakaisip ng mga materials na
maaring ilagay, diin-diinan niyang sinabi iyon at nakakawala ng ganang gumawa,
damay-damay na kami sa paglagak. Gagawa pa sana kami ng panibagong imbensyon pagkat
hanggang Lunes ang pasahan subalit wala ng nakikipag-cooperate sa
amin. Umuwi na lamang ako at binawi ang tulog. Sa sarap ng tulog ay Alas-singko
na ko nagising at tila'y napakasigla ko. Sabado nanaman kinabukasan kaya
nagpuyat ako sa panonood ng telebisyon. Pagkatapos manood ng telebisyon ay
sinimulan ko ng gawin ang project sa Math. Mga
dakong Alas-onse ng maisipang matulog.
August 03, 2013
Saturday
Year I-215
2L-E. Ngayong araw ang
aking follow-up check-up para malaman kung may ipinagbago ba
sa aking kalagayan simula ng magpa-check-up kami noong Lunes at
mag-take ng panibagong niresetang gamot. Alas-sais pa lamang ay
gumising na ako at si Papa ang naging kasama ko patungong UST. Pagkasakay sa Bus ay
sapalaran sa amin ang pag-andar sapagkat wala kaming maupuan at pagewang-gewang
pa kami habang nakatayo. Inabot kami ng dalawang oras sa biyahe bago makarating
sa UST at muli
nanaman akong nakapunta sa ganong sikat at eklusibong unibersidad. Sa lawak ng
unibersidad na iyon ay halos magkandaligaw-ligaw kami sa pagpunta sa clinic. Buti na lang at may
nagturo kung saan ang clinic. Pagdating ay wala pa si Doctora Dacayan at
naghintay pa kami ng matagal. Nakaramdam na tuloy ako ng gutom kaya di ko na
matiis pang bumili ng pagkain. Maya-maya pa'y dumating na si Doctora Dacayan at
nagpa-check-up na ako.
2L-F. Magandang balita
para sa akin sapagkat lumuwag na raw ang daluyan ng hangin at may tiyansang di
na ako atakihin ng hika basta ipagpatuloy lang raw ang paggamit ng inhaler.
Pagkatapos ay di na kami patumpik-tumpik pang lumabas kami ni Papa sa UST subalit bago umuwi'y
sinabi ko kay Papa na pumunta muna sa Ever Gotesco mall upang
bumili ng card reader. Pinauna ko na si Papa sa pag-uwi sapagkat
may guro pa akong kakapanayamin para sa project sa Math.
Naglakad lang ako mula Ever hanggang sa bahay ni Ma'am Jamero subalit
wala ito ng makarating ako at sinabing nasa eskwela raw siya. Nagtungo pa ako
sa eskwela at hinanap siya. Maya-maya'y nakita ko na siya kasama ang anak na
si Princess at humingi ako ng pahintulot na kapanayamin siya.
Hindi ito pumayag sapagkat marami pa raw siyang aasikasuhin kaya naisipan kong
kay Sir Sellona na lang.
2L-G. Habang patungo ako
kung saan nagtuturo si Sir Sellona ay saktong
nakita ko sina Ibarra, Rommel, Pradez at Jona Mae at sumabay
ako sa kanila. Kakapanayamin sana namin si Sir Sellona subalit
tumanggi ito. Sa ibang guro na kami nakiusap na makipagpanayam subalit maski
sila'y tinanggihan rin kami. Umuwi na lang kami at di pa ako nawawalan ng
pag-asa na may guro pa papayag kaya nagtungo muli ako sa bahay ni Ma'am Jamero.
Sa kakakulit ko sa kanya, laking tuwa ko pagkat pumayag si Ma'am Jamero at
sinabing siya na lang ang sasagot. Mga dakong Ala-una na ako nakarating ng
bahay at nananghalian. Matapos mananghalian ay natulog ako. Pagkagising ay
nagkumpyuter muli ako at ilang saglit pa'y nagtungo sa computer shop upang
magpalimbag. Sinimulan ko ng gawin ang proyekto sa Math at AP at iyon ang inatupag ko
hanggang sa magtulugan. Dakong Alas-dyis na ng gabi ako natulog.
August
04, 2013
Sunday
Year I-216
Sunday
Year I-216
2L-H. Sumapit nanaman
ang araw ng Linggo at araw rin ito upang sumamba sa dakilang may likha. Tagal
ko na rin hindi nakakadalo sa Sunday mass kila Pastora Anna,
kamusta na kaya sila? Tama sila Mama at ate, di dapat ako padalos-dalos sa
pagpili ng relihiyon at dapat ay pinag-iisipang mabuti. Kung sa bagay ay di ko
naman nagagampanan ang mga commitments na maari kong kaharapin
at iba pa rin ang buhay kapag sa Katoliko ka. Medyo inumaga
muli ako ng gising kaya bumangon na ako at nag-almusal. Matapos kumain ng
almusal ay diretso hugas ng plato at walis sa alikabok. Sunod ay ipinagpatuloy
ko ang paggawa ng Project sa Math at AP. Mga tanghali ko na natapos
ang project sa AP subalit
di pa tapos sa Math sapagkat hinihintay ko pa ang sagot
ni Ma'am Jamero sa aking Interview question.
Pagpatak ng Alas-kwatro na ako nagising at binalak magtungo sa bahay ni Ma'am Jamero.
Habang nasa tricycle at naghihintay ay bigla kong naisipang
magsimba. Dahil Linggo ngayon ay magsisimba ako at sa halip na bumaba sa bahay
nila Ma'am Jamero, sa Saint peter church ako
tumuloy at sinalubong ko ang dami ng mga nanampalataya. Para sa akin ay mas
ramdam ko ang presensiya ng diyos sa katoliko kaysa sa Born-again at
mas magandang pakinggan sa pandinig ang mga awiting pangbanal na banayad kaysa
idaan sa patambol tambol at pasigaw sigaw na akala mo'y napo-posses.
Matapos ang misa'y tumulak na ako patungo sa bahay nina Ma'am Jamero at
sana'y nagawa na niya subalit pagdating sa kanila, wala ito. Naglakad lamang
ako pauwi at sa layo ng aking nilakad, nakaramdam ako ng pagod at pananakit ng
paa. Sa tindi ng pagod, Alas-otso pa lamang ay natulog na ako.
August
05, 2013
Monday
Year I-217
Monday
Year I-217
2L-I. Mga Alas-dos pa
lamang ng madaling araw ay gising na ako, naging maulan ang umaga subalit
kaagad naman itong tumila. Mga Alas-kwatro na ako bumangon at nag-almusal.
Habang inaayos ko ang gamit pang-eskwela'y napansin kong tila nawawala
ang Ugaling Pilipino ko. Hinanap ko na kung saan
imposible kong nailagay subalit di ko pa rin matagpuan. Pangamba ang naramdaman
ko sapagkat ngayon na ang tseking ng Ugaling Pilipino at
yari ang grado ko kapag wala akong maipasa. Sa halip na maghanap ay pumasok na
lang ako at baka mahuli pa sa eskwela. Bago magtungo sa eskwela'y nagtungo muna
ako sa bahay ni Ma'am Jamero at kumatok.
Pagkabukas ng pintuan ay kita ko sa mata ni Ma'am na bagsak at mukhang bagong
gising. Ibinigay sa akin ni Ma'am ang question sheet at walang
itong kasagot-sagot.
2L-J. Pumasok akong may
pagkadismaya at mabigat ang kalooban at pagdating sa silid ay nadatnan kong
wala ang aking kamag-aral, nasa covered court pala sila at may
nagaganap na ceremony hudyat ng pagbubukas para sa buwan ng
Wika. Pagkabalik sa silid
ay nandoon na si Ma'am Fabiana at nagkaroon kami
ng aytem analisis. Ako ang pinamahala sa pagbibilang at habang nagbibilang ay
saktong dumating si Mama dala ang Ugaling Pilipino ko.
Laking pasalamat ko sapagkat nakita rin ang hinahanap kanina. Ako rin ang
pinamahala ni Ma'am Fabiana sa pagtitsek ng Ugaling Pilipino sapagkat
di na kami magkikita sa susunod pang mga araw gawa na holiday. Sa
oras ng TLE ay tsinekan na namin ang Periodical test.
2L-K. Labis-labis kong
ikinadismaya ang nakuha ko sa test pagkat out of 50,
sampo lamang ang natamong marka. Sa oras naman ng MAPEH ay hindi pumasok
si Ma'am Mina kaya naman, naging maingay muli ang
silid. sa oras naman ng Filipino, naging masaya ang klase sapagkat
nagkaroon kami ng fun games. Habang tumutugtog ng Gentleman at Kiyomi ay
kailangang ipasa ang papel sa bawat katabi at kung sinuman ang matigilan ay
siyang sasayaw. Malas lang nila Cynt at Huelar pagkat
sila ang natigilan ng papel kaya sila ang sasayaw sa pisara. Puro hiyawan kami
ng sumayaw sila ng Gentleman, paano kasi ay palong-palo at ang
titigas ng katawan.
Matapos ang kasiyahan ay nagtsek na kami ng Periodical test.
Habang di pa dumarating si Ma'am Templanza ay ginawa ko na
ang project sa Math at inimbento na rin ang
sasabihin sa interview. Itinigil lang ng nasa pisara na si Ma'am
Templanza at nagtsek lamang kami ng test. Matapos ang
tseking ay nag-aytem analysis kami, nang dumating sa aking
palad ang answer sheet ko, laking tuwa ko pagkat
mataas ang nakuha ko. Maya-maya'y Math time na at
ngayon na rin ang pasahan ng project.
2L-L. Pagkatapos ay inanunsyo
ni Sir Harren sa amin na may bago muling project subalit
sa October pa ang pasahan. Kaya pala dalawang buwan ang
palugid pagkat mahirap at magastos pa. Maya-maya'y sitting
arrangement na at bago nanaman ang mga kagrupo ko kaya another
adjustment. Sa oras naman ng Physics ay nagtsek rin kami
ng Periodical test. Hindi kataasan ang nakuha ko at wala rin ni isa
sa amin ang pumasa. Ilang saglit pa'y uwian na subalit bago ako umuwi'y
nagtungo muna kami ni Jenny mae sa AP Department upang
humiram ng text book kay Sir Arnulfo para
sa report subalit di namin siya namataan. Umuwi na lamang kami,
pagkauwi at dala na rin ng gutom ay kaagad na nananghalian. Maya-maya'y natulog
ako at pagkagising, nag-internet ako upang malibang. Pagkatapos
mag-internet ay nagbasa ako ng world atlas. Kinagabihan
naman ay panonood ng telebisyon ang inatupag ko at pagkatapos ay natulog na.
August
06, 2013
Tuesday
Year I-218
Tuesday
Year I-218
2L-M. Naging maulan
nanaman ang umaga at iyon ang gumising sa akin subalit panandalian lamang iyon
at kaagad ring tumila. Mga dakong Alas-kwatro na ako dumilat at bumangon at
nag-almusal. Habang nasa biyahe'y biglang bumuhos muli ang ulan dahilan kung
bakit ako nabasa. Kahit malakas ang ulan ay nagpatuloy pa rin ako sa
paglalakad, makarating lang sa eskwela at kung nagpatuloy pa itong malakas na
ulan, malamang ay masususpendido na ang klase na siyang ibig ng karamihan
maging ako. Pagdating sa silid, kakaunti pa lamang ang kamag-aral ko na nandoon
at gininaw ako. Ilang saglit pa'y dumating na si Sir Arnulfo at
nagkaroon kami ng periodical test. Kahit di gasinong
nakapagrepaso'y naging madali pa rin sa akin ang test.
Maya-maya'y TLE na
at sa kadahilanang marami ang bumagsak, nagkaroon kami ng remedial test subalit
nagrepaso muna kami.
2L-N. Kahit nakapagrepaso'y
naging mahirap pa rin sa akin ang pagsusulit at mukhang nabibilang muli ang
makukuha ko. Sa oras ng MAPEH,
nag-discuss lang si Ma'am Mina about
relationship between man and a woman. Dahil tungkol iyon sa pag-ibig ng
magkasintahan, hindi ako maka-relate sa pinag-uusapan nila,
maya-maya'y nauwi na sa tawanan at tilian. Nakaranas ako na magkaroon ng crush pero love sa
ibang tao, mangyayari pa. Sa oras naman ng Filipino, walang ibang
pinagawa si Sir Velarde kundi pasagutan kami
sa Batikan. Sa oras naman ng English ay nagtsek
lang si Ma'am Templanza ng notebook at
pagkatapos ay nagkaroon kami ng activity. Habang di pa dumarating
si Sir Harren ay tinapos ko muna ang worksheet subalit
wala si Sir Harren. Sila Mandy at Bacsal ang
nagbigay ng sagot at nagtseking kami. Matapos ang cheking ay
may mahalagang inanunsyo sa amin si Mandy subalit panay ang
kwentuhan ng mga kamag-aral ko kaya ito nagalit.
2L-O. Ilang saglit pa'y
dumating na si Sir Martin, itinotal lang namin ang
mga score na nakuha ng bawat kamag-aral namin sa quiz
booklet. Sa kadahilanang
bukas na ang aming pag-uulat ay di muna kami umuwi nila Jenny Mae at
nagpunta muli sa AP department subalit
wala si Sir Arnulfo. Kinapalan na namin ang mukha at
pumasok na kami sa library upang maghalughog ng mga libro
subalit wala doon ang hinahanap namin para sa report. Kahit batid
naming malayo, naisipan na ni Jenny Mae na
sa expression doon sa Ever na kami maghanap.
Ayaw ko sanang sumama sa takot na magkasakit subalit alang-alang sa gradong
matatamo'y sumama pa rin ako. Kasama sila Jenny mae, Jessa at Perfecto ay
naglakad lang kaming apat patungong Ever Gotesco mall at kahit
nangangarag na sa kakalakad ay di pa rin namin iyon inalintana at panay patawa
sa amin si Perfecto.
2L-P. Sa wakas ay nakarating
na rin kami sa Ever at naghalughog ng mga aklat sa Expression subalit
di kami pinalad sa paghahanap. Umuwi na lang kami
at daming mga taong dumadagsa't nakipagsiksikan kami hanggang sa
magwatak-watak. Kami na lang ni Perfecto ang magkasama at di
namin mahagilap ang magpinsang Bohol. Sumapit na pala ang Alas-tres
pagdating ko sa bahay at nakaramdam ako ng pananakit ng likod pero di ako
pahalata sa takot na maulanan ng sermon ng walang humpay. Kinagabihan ay lalo
pang sumama ang lagay ko at halos di makatulog sa sakit ng likod. Sakit lang
pala ng katawan ang abot ko sa pagpunta namin sa Ever, sana ay di
na lang ako sumama.
August
07, 2013
Wednesday
Year I-219
Wednesday
Year I-219
2L-Q. Hindi kagandahan
ang gising ko ng umagang iyon at sakit ng likod at balikat ang kaagad na
sumalubong sa akin, parang pasan ko ang sampung hollow block sa
likod at ang bigat ng nararamdaman ko, bukod sa masakit ang likod ay
hinang-hina ako at mukhang magkakaroon ako ng trangkaso. Ayaw ko sanang
bumangon subalit pinilit ko lang. Sa tindi ng sakit ay hindi ko na nailihim pa
kay Mama ang nararamdaman ko at katakot takot na bulalas ng bibig ang sumuntok
sa akin. May sakit nanaman ako at napakasakitan ko talaga ngayong taon. Hindi
sana ako papasok gawa ng masungit na ang timpla pero pinilit ko lang
alang-alang sa pagre-report namin. Gusto ko laging nakahiga at di
ko kayang maupo ng matagal, sobrang tamlay ko nun at parang nais kong
magpahinga ng matagal.
2L-R. Habang wala pa
si Sir Arnulfo ay nagpahinga ako at di na tumulong sa paglilinis
ng silid. Sa sipag ng kamag-aral ko ay kumintab ang sahig at di na maalikabok
ang mga bintana pagdating ni Sir na labis nitong ikinatuwa at sa unang
pagkakataon ay pinuri kami. Malas at hindi ko dala ang kwaderno sa AP at
ngayon ang tseking nun. Paglilinis lamang ng silid ang ginawa kaya di natuloy
ang pag-uulat. Hapong hapo na ko at gusto ko ng mahiga, wala pa nun si Sir
Balbin kaya nag-nap ako. Si Jessa naman,
dumadaing sa sakit ng ulo samantalang sinisipon naman ang Jenny Mae, puro
kami may sakit at iyon lang ang napala namin sa pagpunta sa Ever,
buti at di natuloy ang report sa AP. Nawala ang
tamlay ko nung MAPEH na
at iba talaga kung si Ma'am Mina ang nagtuturo
sapagkat napapasaya niya kami lalo na nung ikwento niya ang tungkol sa
karanasan sa kolehiyo habang nagsu-swiming.
2L-S. Pulasan sila sa
tawa at pati ako na di matablan gawa ng iniindang sakit ng katawan ay napatawa
na rin. Kahit kailan ay masayang magturo si Ma'am Mina. Sa oras
ng Filipino, pinasagot lang kami sa Batikan at
dahil yun lang naman ang gagawin ay walang anu-anu'y nagpunta na ko sa clinic. Sa bigat ng
nararamdaman at sobrang panghihina'y kaagad akong naglupasay sa kama. Teacher’s
bed pala ang nahigaan ko kaya nasita ako at pinalipat pa kaso
tinatamad na kong lumipat, kinakaya ko na lang at ng makalipat sa kabilang
higaan ay nagpahinga ako. Hindi naman ako makapagpahinga ng maayos dahil ang
iingay ng teacher doon at naroon pala si Ma'am Mina na
isa rin sa nakikipagdaldalan. Di ako pahalata at nagtaklob ng mukha dahil pati
ako'y baka gawin niyang katatawanan sa klase kapag nakita ako. Palabiro pa
naman si Ma'am Mina at kung ano-anong pumapasok sa isipan.
2L-T. Bahagyang
tumahimik ng umalis si Ma'am Mina subalit umingay muli ng
magsidatingan ang mga estudyante at hindi naman nagpa-confine kundi
nakipagtsikahan lang sa mga Teacher. Gawa ng ingay kaya hindi
ako makapagpahinga ng maayos. Umalis na lang ako at pinilit ang katawang
bumangon kahit hinang-hina pa. Bago bumalik sa classroom ay
magpa-load ako at tineks si Mama. Nadatnan kong nandoon pa si Sir
Harren pagkapasok at kahit bibnibiro niya ko’y di ko magawang ngumiti
dahil sa iniindang sakit. Dumating naman si Mama sa oras ng Physics subalit
may Seatwork kami at tatapusin ko muna iyon bago sumama kay
Mama. Laking tuwa ko sapagkat concern sa akin si Sir
Martin at pinayuhan pa.
2L-U. Nang matapos
sagutan ang seatwork ay nagpaalam na ko kay Sir Martin at
umuwi na. Hindi kaagad nabasa ni Mama ang text ko gawa ng
abala ito at sa sobrang panghihina ko'y diretso ako sa kama at natulog. Kahit
dalawang oras ng natulog ay nananatili pa rin ang sakit ng katawan ko at hindi
makabangon subalit pinilit ko pa rin. Kinagabihan dahil sa nagpasundo ako ay
nagkaroon kami ng diskusyon ni ate. Yang si ate talaga masyado niya kong
pinapakelaman at ano naman sa kanya kung magpasundo ako, porket ba nagpasundo
ay asal bata na kaagad, sa masakit ang katawan ko na hindi na nga halos
makakilos! Mahirap ba niya akong intindihin. Minsan kahit malaki ang utang na
loob ko sa kanya dahil siya ang gumastos ng pangpagamot ko ay di ko pa rin
maiwasang mainis sa kanya kapag nanghihimasok siya sa sa usapan namin ni Mama
at nangingialam na akala'y siya ang magulang ko.
August
08, 2013
Thursday
Year I-220
Thursday
Year I-220
2L-V. Alas-kwatro nang
madaling araw ng gisingin ako ni Mama, sakit ng likod ang una kong naramdaman
at kahit pilit iangat ang buong katawan ay di ko makaya. Kahit ayaw kong
lumiban ay minabuting huwag munang pumasok sapagkat baka lumala pa ang aking
kondisyon. Ngayong araw pa naman ang pasahan ng portfolio sa AP at
kahit hindi makakapasok ay makakapagpasa pa rin ako sapagkat balak kong ipasuyo
kay Mama at siya na lang mag-abot kay Sir Arnulfo, sa awa naman
nito sa akin ay pumayag naman ito at gumawa na rin ako ng excuse letter kahit
may iniindang sakit upang iparating kay Sir Martin ng another
chance to take remedial test.
2L-W. Bahagyang napawi
ang sakit pagsapit ng ikapito at bumangon ako subalit biglang kumirot ng
pagkasakit-sakit ang balikat ko kaya naupo ako. Masakit kapag nakatayo subalit hindi
ko naman kayang umupo ng matagal kaya madalas ay nakaratay ako. Ang lalamunan
ko ay parang may plemang nakasabit kaya paubo-ubo ako subalit di pahalata
pagkat iisipin nilang walang bisa ang gamot na binibigay sa akin at nagsayang
lang ng kwarta. Nakakasawang laging nakahiga at parang pasyente kang walang
magawa kundi humiga kaya naupo ako at nagbasa ng world atlas.
Maya-maya’y nagkompyuter ako at nilibang ang sarili sa paglalaro ng Metal
Slug. Sakit pa rin ng likod ko kaya muli akong nahiga at bumangon lang ng
tanghalian na.
2L-X. Tulog, higa kain
lang ang ginawa ko sa araw na ito at kung malayo sa sakit at magaling malamang
ay sobrang maasahan ako sa gawaing bahay. Kakabanas kapag sa loob ka lang ng
bahay kaya naupo ako sa bakuran at nilanghap ang sariwang hangin. Habang naka-relax ay
may binabaeng paseksi kung lumakad at agaw pansin sa mga tambay, makinis
ang legs nito na aakalaing babae ang nagmamay-ari subalit sa
mukha ay mapagkakamalang kabayo.
Maya-maya’y di lang siya baklang pagala-gala doon at nadagdagan pa ng dalawang
napakalanding bakla. Si Juliana pala iyong naka-backless at
kulot-kulutan ang buhok subalit sunog naman ang kutis ng balat.
2L-Y. Tawanan kaming
lahat ng parampa-rampa sila at parang gusto kong maki-join kaso may
sakit ako. Sa totoo lang ay gusto ko silang kaibiganin dahil tulad din nila ako
subalit iniingatan ko ang pangalan ko at ayaw kong mabahiran ng kahihiyan ang
angkan ko dahil lang lumalandi ako na katulad nila. Ayos lang sa akin na ganto
lang ako at hindi na kailangan magsuot ng pambabaeng damit upang lumitaw ang
kagandahan. Nang mapansing dumidilim na'y pumasok na ko sa loob ng bahay.
Maya-maya’y dumating si Mama na may kasamang manghihilot at ako'y ipinahilot.
Sa papisil-pisil niya at haplos, mukhang guminhawa ang pakiramdam ko. Naparam ang
sakit kaya nakapagsagot pa ko sa Batikan pagkatapos manood ng
telebisyon at pinagpuyatan ko iyon, mga Alas-onse na ko natulog at komportable
na ko sa paghiga.
August
09, 2013
Friday
Friday
Year I-221
2L-Z. Ngayon ang
pagdiriwang ng Edil fitir, hudyat ng pagtatapos ng Ramadan ng
mga Muslim dahilan kung bakit holiday at
walang pasok sa eskwela maging sa tanggapan. Walang pasok kaya di ako maagang
nagising at Alas-siete na ako bumangon. Medyo malungkot ang panahon at may
pag-ambon pa. Napawi na ang sakit ng katawan ko kaya nagagampanan ko na ng
maayos ang gawaing bahay. Walang pasok ngayon at dahil wala namang
takdang-aralin na kailangang tapusin ay sinamantala ko ang oras sa paghuhugas
ng plato. Sunod ay nagwalis ako at nagpunas, iyon ang inatupag ko sa umaga.
Hindi pa ako nakakapag-almusal at kumakalam na ang aking sikmura. Hindi pa
nakakaluto si Mama ng kakainin at upang mawala ang gutom ay nilibang ko ang
sarili sa pagkukumpyuter subalit sobrang naimbyerna ako sa bagal ng internet at
hindi ko ma-upload ang Photo sa Facebook,
palaging sinasabing Error.
2M-A. Sa kabagalan
ng internet ay pinatay ko na ang computer at
nanood ng telebisyon. Kahit paano ay nawala ang gutom ko sapagkat malakas
magpatawa ang child star na si Ryzza, kahit
tsikiting lamang ay malakas na itong magpakwela sa mga manonood at kaya na niya
i-entertain ang mga guest na di umano'y mas
matanda sa kanya. Hanga ako sa batang iyon at sana kung magkakaroon pa ako ng
kapatid ay kasing tulad niya. Sumunod ay Baliwan cinema naman,
lakas rin nila magpatawa lalo na si Vice Ganda na ang kukulit
ng kanyang action, hindi pa rin nawawala ang kasikatan ni Vice
Ganda dahil kaya niyang pawalain ang problema natin sa pamamagitan ng
pagpapatawa. Sila Vhong Navarro at Billy Crawford naman
na kahit batikang komedyante ay Waley pa rin at iba ang saya
kapag si Vice Ganda.
2M-B. Matapos tumawa ng
malakas ay sinimulan ko ng itsek ang Ugaling Pilipino ng aking
kamag-aral. Sa dami ay inabot na ko ng Alas-dos at bagsak na ang mga mata ko,
natulog ako ng matapos tsekan ang lahat ng Ugaling Pilipino.
Pagkagising ay nag-relax sandali sa upuan, oras ng meryenda nun
kaya inutusan ako ng Ate na bumili cheese at condensada na
gagamitin sa paggawa ng pancake. Pagkabigay ng sukli ay hindi ko
inasahang magiging ganon ang reaksyon niya at may paghihinalang kulang ang
sukli, ginawa ko na ang lahat ng pagpapaliwanag subalit hindi pa ito kumakalma
hanggang sa nagsagutan na kami.
2M-C. Sumagot ako subalit
hinayaan ko na lang siyang magsalita at nagtungo na lang ako sa kwarto, ang
sasakit niya kasing magsalita at kala kung sinong matalino kaya hindi ko
mapigilatang magpuyos sa galit. Sa kadahilanang mainit ang dugo namin sa isa't
isa'y umalis ako ng bahay at naisipang magkumpyuter sa labas. Kina Giselle ako
nagkumpyuter at habang nagkukumpyuter ay nag-usap kami ng Tita ni Giselle at
kamustahan. Sa dami ng mga napag-usapan ay nasasayang na ang oras sa
pagkukumpyuter. Alas-singko na ng matapos ang renta ko sa paggamit ng computer sa
kanila at nagtungo pa sa ibang computer shop upang
magpa-print. Madilim-dilim na ng makauwi ng bahay.
2M-D. Matapos manood ng
telebisyon at sa kadahilanang di pa dinadalaw ng antok ay nagsulat muna ako ng
nobela. Mga Alas-dose ng maisipan ko nang matulog subalit dala ng antok ay
kinalimutan ko raw patayin ang ilaw at si Mama ang nagpabatid sa akin.
Tiningnan ko sa kusina subalit parang ilaw sa labas naman ang nakabukas kaya
bumalik ako sa kwarto. Hindi ako nakakasigurado at nababagabag ako kaya sumilip
ako sa bintana. Doon ko nalaman na bukas pa pala ang ilaw at sa takot na
masermunan ni Mama ay gumawa ako ng paraan subalit palpak at nabungangaan tuloy
ako ng husto, ayaw ko ng makipagtalakan sa kanya kaya pinasak ko ang daliri sa
dalawang teynga at natulog. Baka masagot ko lang siya kapag naririnig ko ang
mga sinasabi niya.
August 10, 2013
Saturday
Year I-222
2M-E. Pagkagising ay
boses kaagad ni Mama na tila di katanggaptanggap sa aking pandinig ang gumising
at nang-badtrip sa umaga ko at pinag-uusapan ang tungkol sa
nangyari kagabi kaya bumangon ako at nagpaliwanag. Panay paratang sa akin si
Mama na sinungaling ako kahit anong pagpapaliwanag ko, bagay na di ko matanggap
kaya kahit batid kong mali, di ko napigilang sagutin siya. Sadyang
napakabungangera talaga ni Mama at kung ano-ano ang lumalabas sa kanyang bibig
kaya tinakpan ko ang teynga ko. Ng mapagod ay tumigil naman ito sa kakadakdak.
Hindi na mahalaga sa akin kung di na niya ako paniwalaan basta alam ko sa
sarili na nagsasabi ng totoo.
Dahil kabato ang buhay kapag walang magawa ay naglinis ako sa loob ng
bahay. Sa dami ng aking ginagawa'y napagod ako kaya saglit akong natulog.
Pagkagising, muli nanamang dumakdak ang ilaw ng tahanan at sadyang
napakaaborido niya, may dalaw siguro. Si Papa naman ang kanyang dinadakdakan
kaya di ko na pinansin at nanood na lang ng telebisyon. May paparating pa lang
bagyo kaya pala ganito ang lagay ng panahon. Maya-maya’y tanghalian na at
pagkatapos ay nagkumpyuter ako. Bahagyang nagpakita ang haring araw ng hapon
subalit naging maulan kinagabihan. Nagsulat muna ako ng nobela at mga dakong
Alas-dyis na ako natulog.
August
11, 2013
Sunday
Sunday
Year I-223
2M-F. Maliwanag na sa
labas ng gumising ang katawang lupa ko kaya sa halip na mag-utay-utay pang
nakahiga'y kaagad na akong bumangon. Nag-almusal sa kusina at kaagad kong
binuksan ang radyo upang alamin ang pinakasariwang balita tungkol sa bagyo.
Pagkarinig, hindi aakalaing napasailalim na sa babala bilang isa ang Kalakhang Maynila samantalang
napakaaliwalas naman ng panahon. Maya-maya, sa di
inaasahang pangyayari'y muli nanamang nagpasiklab sa dakdak si Mama at ako ang
binalingan. Sinabihan ba namang di raw ako malinis gumawa at nakakarumi pa.
Hindi ko matanggap pa ang sinasabi niya kaya muli kaming nagsagutan. Upang
mapatunayang naglilinis akong mabuti'y bigla kong iniangat ang katre at
winalis-walis ang mga naiwang alikabok.
2M-G. Matapos mawalisan
ang ilalim ng katre, pagpupunas naman ang sunod kong ginawa. Si mama, heto at
walang humpay sa kakatalak, di ko na nga lang siya pinapansin. Pati sala'y
winalisan ko at pinunasan rin. Nang mapansin ni Mama na malinis at maayos akong
gumawa, di ko inasahang pupurihin niya ako sa huli at hanggang sa magkaayos na
kami. Habang di pa nagtatago ang araw ay sinamantala ko ang oras sa paglalaba.
Di pa man ako nakakasampay, bigla ng kumulimlim at nagbabadya pang umulan,
binilisan ko ng maglaba.
Sina Papa at Uncle Roger na kanina pang
abala sa pagsesemento sa bakuran ay dinalian na rin sa takot na baka ma-wash-out kung
sakaling bumuhos ang ulan na hatid ng paparating na bagyo. Tuluyan ng
kumulimlim ang papawirin at di ko alam kung matutuyo pa ba ang aking sinampay.
2M-H. Sunod ay binuksan
ko ang telebisyon, pagkarinig sa balita'y itinaas na sa ikalawang babala ng
bagyo ang mga kalapit lalawigan ng Kalakhang Maynila tulad
ng Bulacan at Rizal. Dumilim pa lalo ang
kapaligiran. Sina Mama at Papa naman, ginamitan na ng electric fan ang
itinapal na semento upang matuyo kaagad at pagkatapos ay tinakpan ng bubong.
Pagkatapos kumain ay natulog ako. Kasarapan ng tulog ng gisingin ako ni mama,
may libreng check up pala sa mata doon sa outpost kaya
nagpunta kami ni Mama.
2M-I. Masaya ako
sapagkat bahagyang bumaba ang grado ng mata ko subalit mataas pa rin. Papauwi na
sana kami ni Mama ng biglang bumuhos ang ulan. Dali-dali akong tumakbo patungo
sa bahay at kinuha ang payong. Sa lakas ng ulan ay nabasa na kami. Dahil
napapansin kong mahaba na ang aking buhok ay kinailangan ko ng magpagupit upang
di maukan bukas. Nang magpagupit ay may balak ko sanang tumungo kila Regine (Miano) subalit
di natuloy sapagkat muli nanaman bumuhos ang ulan. Nagpatuloy ang pagbuhos ng
ulan hanggang sa magdilim. Bago matulog ay nakinig muna ako ng radyo kung may
pasok ba bukas, mga Alas-onse ko na nalaman na suspendido ang klase bukas dahil
sa bagyo. Naka-bonus nanaman kaming mga estudyante sa bakasyon.
August
12, 2013
Monday
Monday
Year I-224
2M-J. Wala nanamang
pasok gawa ng sungit ng panahon bunsod ng Bagyong Labuyo.
Dahil magdamag ang pag-ulan ay naging malamig ang umaga kaya nagising pa rin
ako. Sarap pang matulog kaya natulog pa ko at ibinalot ang buong katawan sa
kumot. Mga Alas-singko ng muli akong gumising, binuksan nun ng mudra ang
telebisyon at lihim akong nanuod. Nag-landfall na pala ang bagyo
sa Aurora at kitang-kita kung paano bayuhin ng bagyo ang
probinsyang iyon. Napakalakas ng ihip ng hangin na halos ikabuwal na ng mga
puno at mataas na rin ang baha sa kanila.
2M-K. Nakakatakot ang
sinapit nila sapagkat ganoon pala kabagsik ang bagyo at kung nagkataong
sa Mindanao humagupit ang bagyo, malamang ay marami nanamang
mapupuruhan tulad nung Bagyong Pablo na sumalanta ng nakaraang
taon at umabot sa isang libo ang naitalang namatay. Kung sa bagay ay sanay na
sila sa bagyo dahil malimit silang daanan. Pagkagat ng liwanag ay tumila na ang
ulan subalit malakas naman ang hangin. Sinamantala ko ang araw na walang klase
sa paghuhugas ng plato. Matapos ang hugasin
ay ipinagpatuloy ko ang pagsagot sa Batikan. Tanghali ng bigla
nanamang bumuhos ang ulan na sinabayan pa ng hangin. Marami ang nagsiluguan
subalit saglit lang ang ulan. Dahil walang maisipang gawin ay nag-soundtrip ako
at nagbasa ng mapa sa World atlas. Ilang sandali ay
dinalaw na ko ng antok at natulog.
2M-L. Sa katakawang
matulog, inabot na ko ng Alas-kwatro na nasa kama. Nagkompyuter at matapos ay
nagtungo ako sa taas upang magpa-print ng assignment.
Saktong pagkababa sa Sitio Taniman ay biglang nanilim ang
kalangitan at maya-maya'y biglang bumuhos ang ulan. Dahil umaanggi kahit
nakapayong ay nabasa pa rin ako, nabasa rin ang pinalimbag kong assignment.
Nagpunta muli ako sa computer shop at nagpa-print.
Grabe ang iingay ng mga nagkokompyuter at sakit sa teynga. Agad alis ako ng
makapagpa-print. Muli nanamang bumuhos ang ulan ng hapong iyon at naging
maulan rin sa gabi. Hindi kami nakapagtelebisyon dahil sira ang Antenna.
Tiis-tiis muna sa radyo at pagkatapos ay natulog na kami. Naging maulan ang
gabi subalit pabugso-bugso na lamang. May pasok na bukas at nakalimang araw na
pala ako sa pagbabakasyon.
August
13, 2013
Tuesday
Year I-225
Tuesday
Year I-225
2M-M. Alas-dos na ng
madaling araw ng magising ang aking diwa. Nakalabas na ang bagyo subalit maulan
pa rin ang panahon at may pag-ihip pa ng hangin. Kumuha ako ng Bacon sa refrigerator at
yun ang ginawang agahan. Makalipas ang ilang sandali ay nagising na rin si
Mama, todo pagpapayo ang ginawa sa akin at pakiramdam ko'y hindi pa rin ako
nagma-mature. Alas-singko ng umalis ako ng bahay, tumila na ang ulan.
Habang naglalakad ay bigla na lamang ako nakaramdam ng pananakit ng tiyan.
Bumalik ako sa bahay at nagbawas. Nakadalawang balik na ko sa pilaan ng tricycle at
mukhang nagka-LBM na ko, masakit talaga ang tiyan ko at sa
kadahilanang Alas-sais na'y hindi na ko pumasok. Wrong timing itong
tiyan at nasira pa kung kailan may pasok na. Binawi ko ang tulog ko at mga
Alas-otso na ko nagising.
Sa sakit nanaman ng tiyan ay napilitan nanaman akong magbanyo at ilang
ulit na kong pabalik-balik.
2M-N. Mukhang di
lang LBM ang meron ako kundi Diarrhea. Nawala naman
ang pagsakit ng tiyan kinatanghalian subalit bawal akong kumain ng isda at
maraming bawal kapag sira ang tiyan. Masarap pa naman ang piniritong isda na
nakahain sa mesa at tuksong tukso ng papakin ito subalit pinigilan ako ni Mama
at Ate. Instant noodles na lamang ang naging
pananghalian ko. Matapos lumamon ay nanood kami ng telebisyon. Bahagyang umaraw
at luminis na ang kalangitan hudyat na tapos na ang matinding unos. Tapos na
nga ang matinding unos sapagkat tawa kami ng tawa sa kakanood ng Baliwan
cinema at di maiwasang humagikhik ng lakas. Matapos tumawa ay
nagtulugan na kaming lahat, kahit maalinsangan ay masarap pa rin ang tulog
namin.
2M-O. Alas-tres na ko
nagising at nagkumpyuter. Nanood ako ng Gandang Gabi Vice sa IWANTV.
Ang lakas magpatawa ni Vice Ganda, pati si Herbert Bautista hindi
pinalagpas na pagtripan. Masarap na sana ang panonood ko sa computer ng
biglang may tumawag sa akin. Pinapapunta pala ako ni Mama sa outpost upang
kunin ang salamin. Pagkasukat sa bagong salamin, anong linaw ang aking nakikita
at kahit sa malayo ay kayang tanawin. Ang maganda pa sabi ng Opthalmologist ay
bumaba raw ang grado ng mata ko kaya mas mababang lente kaysa luma ang gamit
ko. Nagmukha tuloy
akong henyo sa suot kong bagong salamin. Ipinagpatuloy ko ang panonood ng Gandang
Gabi Vice pagkabalik ng bahay at halos ikamatay ko ang kakatawa. Ng
magsawa at mapansing dumidilim na ay pinagpahinga ko ang computer.
Ang mama naman ay dumadaing nanaman sa sakit ng katawan.
2M-P. Pinagsasabihan ng
huwag ng maghugas subalit siya naman itong matigas ang ulo. Tuloy ay nagtalo si
Mama at Ate. Upang makaiwas sa hidwaan ng dalawa ay naisipan kong magtungo sa
bahay nina Regine. Pagdating sa kanila’y sila Kuya Erik at Kuya Jun na
masayang natagay at nagpapatugtog ang nadatnan ko. Sobra ko silang na-miss at
dahil matagal ko na silang di nakikita ay pinagbigyan ko sila sa kanilang
pangangantiyaw. Bigay todo ako sa pagsayaw at nakaramadam ako ng konting saya.
Ayaw ko kasing maging KJ sa kanila at isa pa’y katuwaan lang
naman. Ilang saglit pa ay tumuloy ako papasok sa kanilang bahay. Nandoon
si Regine na abalang pinapatulog ang anak samantalang
nakikinood ng Telebisyon si Berna. Nagkamustahan kami at kwentuhan.
May mga bata ding kahaharot subalit hindi ako nairita at iyon pa nga ang
nagdagdag ng saya ko. Minsan lang ako maging masaya kaya sinusulit ko na. Dahil
lumalalim na ang gabi’y kinailangan ko ng magpaalam sa kanila.
August 14, 2013
Wednesday
Year I-226
2M-Q. Ang ganda ng napaginipan
ko ng sa isang iglap ay biglang naglaho, ginigising na pala ako ng Mama at dama
ko pa rin ang matinding antok. Pagkatingin sa malaking orasan, kinailangan ko
ng magmadali sapagkat malapit ng sumapit ang Alas-singko. Hindi na ko
nag-aagahan at humigop na lang ng kapeng binudburan ng oatmeal. Ng
makapagbihis ay may pagmamadaling umalis ng bahay. Heto pa ang mahabang pila sa
pag-aabang ng tricycle kaya mukhang mahuhuli na ko. Pagdating
sa eskwela, kakaunti pa lamang ang nandun at tahimik. Umingay lang ng dumating
si Jenny Mae, kitang-kita sa mukha niya ang pait at
galit na galit habang nagkukwento kay Jessa, yun pala'y masama ang
kalooban niya sa kanyang ina sapagkat pinagalitan di umano ito at sabay
pinahiya sa harap ng kanyang kaibigan.
Sa tindi ng hinanakit ni Jenny Mae sa
kanyang ina'y nakapagbitaw ito ng di kagandahang salita at sinabing bakit di pa
raw magbigti, hindi ako makapaniwala sa sinabi ni Jenny Mae at
kahit ano pa ang ginawa ng nanay niya, masama man o mabuti ay mananatiling
nanay pa rin niya at di niya dapat pinapangarap na mamatay ang nagluwal sa
kanya.
2M-R. Di pa pala tapos
ang pag-uulat sa AP kaya dali-dali kaming gumawa ng biswal
habang wala pa si sir, patuloy sa pagkukwento si Jenny mae tungkol
sa nanay niya. Doble kayod kaming tapusin ang biswal ng dumating si sir subalit
walang pag-uulat na magaganap at nagkumpyut kami ng kanya-kanyang grade.
Matapos magkumpyut ay gumawa pa kami ng sanaysay. Ipapasa ko sana ang ginawang sanaysay
subalit hindi ko na naabutan si Sir. Sa oras naman ng TLE ay
nagtsek lamang kami ng long test. Sa oras ng MAPEH,
may bago nanamang lesson na naituro si Ma'am Mina,
ang kaninang pinag-uusapan tungkol sa pag-aasawa'y nauwi sa mga sakit-sakit at
nakakadiri na may halong takot ang ikwinento sa amin ni Ma'am Mina,
huwag sana ako magkaroon ng ganon. Ilang sandali'y Filipino na,
wala rin si Sir Velarde subalit tuloy pa rin
ang group report.
2M-S. Habang di pa English time at
dahil nagkaroon ng groupings ng wala ako, nagtanong ako sa
aking kamag-aral kung saan grupo ako nabibilang, walang nagpaalam sa akin at
kahit di sigurado sa uupuan ay umupo pa rin ako. Maya-maya’y inudyok ako
ni Jobil na manghiram ng scientific calculator,
sumama ako sa kanya at saan-saang silid kami nanghiram subalit walang ni
isang calculator ang dumampi sa palad. Nandoon na si Ma'am Miranda pagkabalik
namin sa silid at siya na muli ang guro namin, naku at kamusta kaya grade ko
sa kanya at nakakahiya naman kung mababa ang grade ko.
2M-T. Sa sobrang hiya
kahit may nagsabing dito ako dapat umupo dahil mga kagrupo ko sila’y di ko pa
rin nagawang lumipat pa. Sa oras ng Math, ang hirap ng lesson at
sakit sa ulo ang equation. Buti na lang at itinuro sa akin ni Leonardo kung
paano i-solve ang equation kaya hindi ako nganga
pa sa kakaisip. Maya-maya’y lumabas muli kami
ni Jobil at nanghiram ng calculator subalit
wala pa ring mahiraman. Pagkabalik sa Classroom ay nandun na
si Sir Martin at nagkaroon kami ng activity.
Dahil walang calculator ay lihim kong ginamit ang telepono sa
pagkumpyot subalit nahuli ako ni Sir Martin at
binalaang kukumpiskahin kapag naulit pa. Mano-mano tuloy ako sa pagkumpyot at
nahihirapan na ako. Dahil sa mano-manong computation ay
kinapos ako sa oras at kahit di pa tapos ay kailangan ng ipasa. Pagdating sa
bahay ay kaagad akong gumawa ng Biswal sa AP at nagrepaso. Mga
Alas-singko ko na ito natapos. Sunod ay nanood ako ng Telebisyon. Matapos
mapanood ang paboritong programa’y natulog na ko.
August
15, 2013
Thursday
Year I-227
Thursday
Year I-227
2M-U. Hindi pa man
lubusang napapawi ang antok ay ginising na ako ni Nama, pupungas-pungas akong
naupo sa mesa at nag-agahan. Maliwaliwanag na ng umalis ako ng bahay. Kaarawan
ngayon ni Noemi at Sir Martin kaya
pagdating sa eskwela at unang kita pa lang kay Noemi ay may
ngiti ko siyang binati. Kahit walang maipangregalo ay kita sa mukha niya ang
saya at nagpasalamat ito. Pagdating ni Jessa, masamang balita ang
agad niyang ipinabatid sa akin. Hindi daw makakapasok ang Jenny mae pagkat
nahimatay raw ito. Nanlumo na may pagkagulat ang dumaplis sa aking dibdib at
nangangagambang di kami makapag-ulat dahil sa kawalan ng Leader.
Tulong tulong kaming apat sa paggawa ng paraan at natuloy din naman ang
pag-uulat subalit hindi maayos at nakakalimutan pa ang sasabihin.
2M-V. Sa oras ng MAPEH,
pumasok si Ma'am Mina na nakabusangot ang mukha at
di matagpuan ang palangiting mukha, yun pala maraming tumagilid ang grado at
isa-isa nitong binanggit. Laking gulat ko ng isa ako sa natawag at sobrang
nagtaka ako. Tiningnan ko sa class record ni Ma'am
at aba, dami ko palang kulang samantalang nagpapasa naman ako at ang iba dun ay
naipasa ko naman subalit ang problema, hindi nairekord. Sa dami ng kailangang ipasa upang
makapasa, natataranta na ko at sobrang problemado. Naglinis lamang kami sa
buong oras ng MAPEH. Kami naman, inatasan ni Ma'am Mina na
magbunot ng damo habang tagawalis at taga-floorwax sa loob ng silid
ang iba. Maya-maya’y hiya ako sa sarili ko sapagkat ang inakalang malaking
damong tumubo malapit sa bintana na aking hinugot, tanglad pala at nalintikan tuloy
ako kay Ma'am Mina.
2M-W. Problemado na nga
ako sa MAPEH tapos nakasira pa ko ng halaman, pambihirang
patis naman itong nangyayari sa akin at nakaramdam ako ng matinding
pagkadismaya. Kaarawan ngayon ng paborito naming gurong si Sir Martin kaya
habang di pa ito dumadating, puspusan ang ilang kamag-aral ko sa pagsasabit
ng poster sa may pisara. May cake pa subalit
Hindi Red ribbon o Goldilocks kundi Choco
tops lang. Naging maingay ang silid sa paghahanda ng aking kamag-aral
at ng dumating si Sir Martin, piniringan ito at ng tanggalin ay
masigabo namin itong binati ng Happy birthday. Kuhaan kami ng
litrato na magkakasama kahit ang iba'y nahihiyang magpa-picture at
kailangan pang pilitin. Matapos ang picture taking,
puro sila tawanan at kakulitan lalo na ng kumanta si Mandy at Crislyn at
sumayaw naman si Nataniel ng Gentleman, kahit
panay patawa na kala mo'y tinakasan ng bait ay walang epekto sa akin at patuloy
ko pa rin kinikimkim ang pagkadismaya.
2M-X. Ako lang marahil
ang malungkot ang mukha samantalang hindi maalis ang tuwa sa mukha ng aking
kamag-aral. Tila walang kabuhay-buhay ang kaninang masigla at punong puno ng
saya para sa kanila ng matapos ang Physics. Lakas talaga mang-trip nila Mandy kay Sir Martin at
parang pasipsip masyado. Sa oras ng English, matapos magturo
ni Ma'am Miranda ay nagpraktis kami sapagkat
may performance kami at bukas pa naman yun. Ang hihirap
bigkasing ang bawat words at kailangang rap.
Kandabulol bulol tuloy ako. Sa oras muli ng Physics, party party ulit
sana subalit hindi na pumayag si birthday boy Sir Martin pagkat
mas pinili nitong magturo, sayang raw kasi ang sweldo. May praktis kami
sa English subalit tumakas ako upang makagawa pa ng activity sa MAPEH.
2M-Y. Hinanap ko yung
ginawang activity na di nairekord at matiyaga akong
naghalungkat kahit natabunan ng mga patapong papel. Laking tuwa ko ng
masumpungan pa ang activity subalit gusot gusot na ito. Ng
mahanap ay sinimulan ko ng gawin ang iba pang activity sa MAPEH.
Sa sobrang abala ko sa paggawa ng activity na halos
magkandakuba na'y inabot na ko ng gabi. Kahit gawa na ang ilang activity,
pakiwari ko'y kulang pa ng dalawa at sana'y makapasa na ko. Nangangamba akong
baka mahirapang makatungtong sa kolehiyo kapag may line of 7 sa
aking card at di iyon maaari. Nanood pa ko ng telebisyon at
matapos ay natulog na ko.
August 16, 2013
Friday
Year I-228
2M-Z. Maaga muli akong
ginising ni Mama upang di mahuli sa pagpasok sa eskwela. Kahit tapos ko ng
gawin ang lahat ng activity sa MAPEH ay di pa
rin maalis ang kaba sa dibdib, masama kasi ang kutob ko na di lang sa
asignaturang MAPEH ako bagsak maging sa English sapagkat
hindi ako nakapagpasa ng project. Sa takot na makarinig ng walang
humpay na pagbubunganga, tinikom ko muna ang aking bibig ukol doon. Hindi
kaaliwalasan ang panahon pag-alis ng bahay at nagbabadya pa ngang umulan.
Pagkababa sa tricycle ay saktong pumatak ang ulan, tumakbo ako
papasok sa eskwela at basaan akong nakarating ng silid-aralan. Nakaligtaan kong
bumili ng workbook sa AP at ang lahat ng
walang workbook ay naki-share sa mga
mayroong workbook. Buwisit ako sa mga kasamahan ko dahil sa halip
na kamay ay bibig ang ginagamit sa pagsagot. Sinaway ko sila subalit ako pa ang
pinalalabas na masama. Kapag sila ang nagsasalita, pinababayahan ko sila tapos
may sabihin lang ako ay sila pa ang may ganang magtaray, mga impakto sila at
kala mo kung sino makapagsalita. Sa sobrang banas ko lalo na tung si Ibarra at Jessa,
lumipat ako ng ibang upuan at naki-share kila Kathy.
2N-A. Lahat ng sama ng
loob ko sa kanila'y kay Kathy ko ibinuhos, pakiramdam ko ay
nagkaroon ako ng masasandalan sapagkat pinayuhan niya ko. Hindi lang ako
nakakaranas ng kawalan ng pagrespeto bilang ako ang nakakatanda maging siya at
batay sa kanya, minsan ay di siya palakibo sa takot na mapahiya at tarayan.
Kami lamang dalawa ang nagkakaintindihan at parang nais ko siyang kaibiganin.
Ayaw ko na kay Jessa pagkat hindi naman kaibigan ang turing
niya sa akin kundi ibang tao. Kunwari mabait kapag may kailangan pero may
pagkasuplada rin pala at sobrang nainsulto ako sa ginawa nila. Nagpatuloy kami
ni Kathy sa pagkukwentuhan habang sumasagot sa seatwork.
Maya-maya’y Values na, sa nararamdamang sama ng loob ay hindi
ako tumabi kay Jessa at mas piniling umupo malapit kila Jayvie ann,
ipinasa ko na rin kay Ma'am ang Ugaling Pilipino.
2N-B. Sa oras naman
ng MAPEH, sa covered court kami
nagkitakita sapagkat may praktis kami ng Wellness Dance.
Kuha ko ang steps sa una subalit nahirapan na ko kinalaunan at
napagod kami sa kakasayaw subalit enjoy naman. Pakitaan ng
katawan ang mga kamag-aral kong lalaki pagbalik sa silid at ibinida nanaman
ni Cynt ang katawang basang basa ng pawis, ayaw kong makadusta
subalit sa totoo lang ay amoy putok ang iba kong kamag-aral. Wala pa si Sir Velarde subalit
pumasok si Ma'am Templanza at inanunsyo na
ang grade namin sa English, bumilis ng husto ang
tibok ng puso sa tindi ng kaba at nagtakip ako ng teynga. Parang nabunutan ako
ng malaking tinik sa lalamunan ng mamaling-akala dahil pasado ako subalit
marami ang nagtaka at nagreklamo dahil bakit gayun ang grade nila.
Sa puntong iyon ay gumaan ang loob ko at sa MAPEH na lamang pala
ako may problema. Habang wala si Ma'am Miranda'y nagpraktis muna kami subalit
hindi ito dumating.
2N-C. Sa oras naman
ng Math ay isa-isa kaming pinapunta ni Sir Harren upang
ipakita sa kanyang laptop ang aming grade. Ng ako
na'y hindi ako natuwa sapagkat hindi gasinong kataasan ang average grade ko
sa Math. Sa oras ng Physics, pagkatapos magturo
ni Sir Martin ay inanunsyo niya rin ang grade namin.
Ang tataas ng nakuha namin sa kanya at mangingilan ngilan lang naka-line of
7, lalo pang nadagdagan ang saya ko ng malaman na mataas ang nakuha kong
grado sa Physics. Bago pa man umuwi sa sariling balor ay nagtungo
ako sa MAPEH department kasama si Jarito at Perfecto at
nagpasa ng activity. Punong-puno ng tuwa ang mukhang nababalutan ng
lumbay pagkauwi sapagkat solve na ang problem ko.
Sana sa second grading ay puro masisigla na
ang grade ko para naman matuwa sa akin si Mudra.
Matapos mananghalian ay nag-siyesta ako.
August 17, 2013
Saturday
Year I-229
2N-D. Boses kaagad ni
Mama, Papa at Ate na malumanay na nag-uusap ang naulinig ko at nagpagising sa
katawang lupa ko. Medyo nakakaramdam pa ng antok at wala namang klase kaya
umidlip pa ko. Pagkadungaw sa bintana'y maliwanag na pala subalit hindi
nagpakita ang haring araw at makulimlim pa. Nakakabagot ang umaga at parang
walang kakulay kulay sa sobrang kalmado kaya nagpatugtog ako pero di naman
malakas, mahirap na't magising ang kapitbahay sabay sugurin ka. Habang masayang
nakikinig ng tugtog ay naglinis ako sa loob ng bahay, mukhang ginaganahan ako
at ang sigla ko ngayon marahil ay nalampasan ko na ang problemang kailan lang
ay napagdaanan ko, ang bait talaga ng Maykapal dahil hanggang ngayon ay
nanatili pa rin akong matatag at patuloy na lumalaban para sa darating mga
pagsubok, nawa'y huwag sanang magsawa ang Maykapal na gabayan at tulungan ako.
2N-E. Sa tulong ng
Panginoon ay natapos ko kaagad ang gawaing bahay at linis kintab na ang sahig. Hindi
man lamang ako nakaramdam ng pagod kaya naisipan ko pang mag-online sa Facebook,
nakakapoot lang sa pakiramdam sapagkat hindi ako maka-connect ng
maayos sa bagal ng Internet. Naglaro na lamang ako ng games sa computer at
ng magsawa at para tipid sa kuryente ay pinatay ko na. Mahangin sa labas at
mukhang masarap ang manatiling nakaupo sa labas. Ilang saglit ay biglaang
bumuhos ang ulan na sinabayan pa ng ihip ng hangin subalit dumaan lamang ito.
Pagkabukas sa telebisyon, nalaman kong may bagyo pala kaya ganito ang lagay ng
panahon. Matapos manood ng Pinoy Henyo sa Eat Bulaga,
saka pa lamang naligo. Ang lamig ng tubig na nagpangatog sa aking pakiramdam.
Nagpatuyo muna ng ulo bago matulog at ng masiguradong hindi na makakapang basa
ang ulo ay natulog ako.
2N-F. May balak sanang
gumawi sa bahay ng aking kaibigan subalit malakas na ulan ang pumigil sa aking
balak. Upang malibang naman at di maging bukbukin sa loob ng bahay ay nag-Facebook muli
ako. Anu ba to't kakaurat dahil nilalangaw lahat ng pino-post ko
sa Facebook, kakawala tuloy ng gana. Matapos mag-Facebook ay
nagbasa naman ako ng world atlas. Sana sa pagtatapos ko sa
pag-aaral ay makabisita ako sa iba't ibang panig ng Mundo. Sa litrato pa
lamang, mukhang nanaisin mo ng pumunta dun at sarap mamasyal tulad sa Effiel tower, Statue of liberty, Great wall of china and Saint Basil square.
Parang nakapag-explore ako habang tumitingin ng world atlas.
Dahil paupo-upo lamang sa bahay at wala namang magawa'y nanood na lang ako ng
telebisyon. Maaga akong dinalaw ng antok kaya napaaga rin ang tulog ko.
August
18, 2013
Sunday
Sunday
Year I-230
2N-G. Malakas na
kalansing ng bubong dahil sa malakas na bagsak ng ulan ang nagpamulat sa matang
himbing sa pagtulog. Muli nanamang binabayo ng malakas na ulan sa labas subalit
ito'y pabugso-bugso at pamaya-maya ang buhos. Matapos lumamon ng mainit-init na
pandesal ay pinagtuunan ko ng pansin ang gatambak na hugasin. Matapos ang
hugasin ay nagwalis naman ako at nagpunas sa sahig. Si Mama naman na kahit
pumapatak ang ulan ay kanina pang abala sa pagpapaandar ng Washing Machine. Maya-maya’y
nagkumpyuter na ko kaso ayan nanaman ang usad pagong na Internet at
sarap batukan sa kabagalan. Nagtiyaga na lamang ako sa paggamit. Pagkatapos ay
naupo ako at hinihintay na lamang maluto ang kakainin, kung marunong magluto di
sana'y may pakinabang din ako sa kusina hindi yung palamunin lang. Mahangin sa
labas at aakalaing nandito sa Kalakhang Maynila ang
bagyo. Mainit-init na nilagang baboy
ang aming tanghalian at sarap humigop ng sabaw kapag umuulan. Dahil wala namang
importanteng gagawin at di naman makagala'y natulog na lamang ako.
2N-H. Pagkagising ay
animo'y naabutan ako ng pagkagat ng gabi sa sobrang dilim ng kapaligiran.
Maya-maya’y bumuhos nanaman ang malakas na ulan at may hangin pa. Sayang saya
sana ako sa panonood ng telebisyon at di ko marinig ang pinapanood sa lakas ng
ulan, pinatay ko na lang. Kahit gabi na'y naging napakabigat ng pagbuhos ng
ulan at nag-zero visibility na ang kapaligiran. Walang
pasok kinabukasan dahil Quezon City day kaya
malaya kong mapapanood ang Gandang Gabi Vice kaso
dala ng matinding buhos ng napakalakas na ulan ay naudlot ang balakin ko.
Umiiral nanaman ang Hanging Habagat at
kakapangambang isipin na mukhang mauulit ang nangyari noong nakaraang taon na
nagdulot ng malakas na ulan at mataas na pagbaha dahil sa Habagat na
huwag sanang mangyari muli.
August 19, 2013
Monday
Year I-231
2N-I. Naging maulan ang
magdamag dahil sa Bagyong Maring subalit ang
nararanasan naming ulan ay bahagyang humina pagputok ng liwanag. Napakadilim ng
kalangitan at mukhang nagbabadya muling bumuhos ang ulan. Dahil sa nangyaring
malakas na pag-ulan kagabi'y laman na ng balita sa radyo man at telebisyon ang
mga pagbaha. Nagpapasalamat kami sapagkat kahit may kalakasan ang ulan dito'y
di naman kami naabutan ng baha. Habang papalapit ang tanghali ang paunti-unting
pagbuti ng lagay ng panahon at sumilip pa ng bahagya ang araw subalit
panandalian lamang ito pagkat muli nanamang dumilim ang kalangitan at kasabay
ang napakabigat na buhos ng ulan. Habang nanunuod ng telebisyon ay kalunos
lunos ang nangyari sa mga taga-Cavite at Laguna pagkat
lubog na sa baha ang bahay nila at bubungan na lang ang natira, kahit mga
mayayaman ay di nakaligtas sa paghagupit ng Habagat.
2N-J. Mga mamahaling
sasakyan at ang gagara pa naman tapos makikitang inaanod ng baha. Grabe ang
naging epekto ng Habagat sa kanila at nagdulot ito ng
napakalaking pinsala. Mapalad kami pagkat hindi sa amin nangyari iyon. Kahit
sino talaga ang makakapanood sa nangyari sa kanila'y mahahabag talaga ng husto.
Manonood sana ako ng Baliwang Cinema subalit sa
lakas ng ulan ay naudlot nanaman. Natulog na lang kami. Matapos matulog, ang
baho na ng pangangatawan ko kaya naisipang maligo na. Ang sarap maligo kapag
malamig ang tubig at nagsipilyo ako matapos maligo upang di naman bulukin ng
ngima ang ngipin habang mahigpit itong nakakapit.
2N-K. Nagmuni-muni na
may kasamang mukmok pa ko ng ilang sandali at matapos ay naghugas na ko ng
plato. Sa dami ng hugasin na halos kasing taas ng Mount Everest na
nakatambak ay inabot ako ng tatlumpung minuto sa kakakusot at pisil pisil ng
espongha at namalat na nga ang palad ko. Binuksan ko ang telebisyon matapos
maghugas ng plato. Tungkol pa rin sa pananalasa ng Habagat at
binahang lugar ang laman ng balita. Habang nag-uulat
ang mga newscaster ay puro tubig lang makikita sa screen sa
sobrang lawak ng baha. May ilang residente nga na piniling magsagwan na lang,
makapunta lamang sa kanilang patutunguhan at may mga bata ring masayang
lumalangoy at nagtatampisaw sa baha kahit madumi at maaring makakuha ng sakit.
2N-L. Ang iba naman ay
malasardinas na kung magsiksikan sa Evacution center. Matindi talaga ang
sinapit nila subalit nakakangiti pa rin sila at di nawawalan ng pag-asa.
Kalmado ang paligid pagkagat ng dilim subalit bumuhos nanaman ang ulan dakong
mga Alas-dyis. Kung kaya ay iniisip kong baka wala muling pasok bukas at
nakinig ako ng balita sa radyo. Nang malamang suspendido ang klase dito
sa Quezon City ay saka pa lamang ako natulog.
Masaya ako dahil hindi ako magigising ng maaga at malungkot naman para sa lahat
ng binaha. Sana’y makabangon sila mula sa delubyong kanilang kinakaharap.
August
20, 2013
Tuesday
Year I-232
Tuesday
Year I-232
2N-M. Nagulat ako at
nagising dahil sa malakas na dagundong ng kulog na malabomba sa sobrang lakas
at halos ikawasak na ng eardrum ko. Kumukulog pala at sa takot
ay nagtaklob ako ng teynga. Ilang sandali ay bumuhos ang ulan. Ginising ako ni
Mama subalit ayon sa aking nasagap na balita'y ipinabatid ko kay mama na walang
pasok ngayon. Umidlip ako at dakong Alas-sais na ng muling magising.
Napakadilim sa kapaligiran at aakalaing takip-silim na sa sobrang dilim. Wala
ring humpay ang pag-ulan marahil ay umiiral nanaman ang Hanging Habagat.
Dahil walang patid ang pag-ulan ay nanatili lang kami sa loob ng bahay at
nakinig ng balita. Mataas na raw ang baha sa ilang lansangan at di na ito
madaanan. Marami na rin residente ang hindi makababa o na-trap dahil
sa baha at mas piniling manatili sa bubong.
2N-N. Ganyan at ganyan
rin ang sitwasyon sa Pilipinas noong nanalasa ang Habagat ng 2012 na
ngayon ay nararanasan rin at parang gumugunita lang sa anibersaryong hambalos
ng Habagat. Parang may Habagat part 2.
Kahit Alas-nuebe na ng umaga'y naging napakadilim sa kapaligiran at napakalakas
ng ulan na may kasama pang pagkulog at pagkidlat. Grabe at mukhang magugunaw na
siguro ang Mundo sa lakas ng pagbayo ng ulan. Nagtungo ako sa gilid ng sapa
upang tingnan kung mataas na. Mataas na nga at aabot na hanggang binti ang taas
ng tubig sa sapa at kung magpatuloy ang pag-ulan, malamang ay hindi malayong aapaw
na ito tulad ng nangyari noong manalasa naman ang Bagyong Ondoy.
2N-O. Marami ring mga
kabataan at bata ang masayang nagliliwaliw sa malakas na buhos ng ulan at di
alintana ang malakas na bugso ng hangin. Gusto ko rin sanang maligo sa ulan
subalit pinagbawalan ako ni Mama at Ate at baka raw atakihin ako ng hika. Habagat lang
ito pero parang Supertyphoon na ang
dating sa lakas ng ulan at hangin. Maya-maya’y dumating na ang barangay at may
pinalilikas na silang mga residente na kapwa taga-Recrap. Sa katanuyan
ay hindi na madaanan ang tulay patungo sa kanila sapagkat lubog na ito. Walang
patid talaga ang bayo ng malakas na ulan at hangin kaya lalo pang tumaas ang
agos sa sapa. Tumigil naman ang ulan kinatanghalian subalit bubuhos muli.
2N-P. Mataas na rin ang
ilog sa Marikina na umabot na sa third alarm at
marami ng lansangan sa Metro Manila ang lubog na
rin sa baha. May ilan na naglublob na lang sa baha habang tumatawid at maraming
mga pasahero ang na-stranded.
Napakatindi talaga ng hagupit ng Habagat at kasing
lakas na nito ang bagyo. Pabugso-bugso na lang ang ulan kinahapunan at sa lamig
ay nakaligtaan ko ng maligo. Kahit nasa Batanes ang Bagyong Maring ay
ramdam pa rin ang epekto nito dahil sa Habagat. Si Papa naman na
dapat ay umaga pa nakauwi ay ngayong hapon pa lang dahil isa rin siya sa na-stranded at
nagkwento ito sa amin tungkol sa kanyang karanasan. Pasalamat na lamang kami at
humina ang ulan kinagabihan kaya nawala ang pangamba naming baka paggising ay
nasa sahig na ang baha dahil sa pag-apaw ng sapa. Naging panatag rin ang aking
pagtulog at naging napakaginaw ng gabi kaya di nangiming magkumot.
August
21, 2013
Wednesday
(Ninoy Aquino Day)
Year I-233
Wednesday
(Ninoy Aquino Day)
Year I-233
2N-Q. Malakas nanaman
ang buhos ng ulan sa labas na sinabayan pa ng hangin at ito'y walang patid.
Wala pa ring pasok dahil masungit pa rin ang panahon. Humupa na ang baha sa
ilang lugar subalit nag-iwan ito ng napakakapal na putik at bayanihan ang mga
residente sa pagtatanggal ng putik. Ang ilang lugar naman tulad sa Marikina at Camanava ay
mistulang dagat na pagkat lubog pa rin sila sa baha. Kahit nabahaan na'y
nakangiti pa rin sila at parang balewala lang ang nangyaring unos at umaasang
muling makakabangon. Kahit nakalabas na ng bansa si Bagyong Maring,
patuloy pa rin inuulan ang Kalakhang Maynila subalit
pabugso-bugso na lamang. May balak sana akong tumungo kila Aldrian sapagkat
kaarawan niya subalit masungit talaga ang panahon kaya naudlot nanaman ang
balakin ko.
2N-R. Ipinarating ko na
lang sa Facebook ang pabati sa kanya. Matapos magkumpyuter ay
naghugas ako ng plato at nagpunas. Hindi naman makalabas ng bahay sa takot na
madapuan ng sakit kaya gawaing bahay ang inatupag ko. Maiigi na ang nag-iingat
kaysa magkasakit muli at kakambal nito ang gabultong gastusin. Mahirap na't baka
maging pabigat muli. Matapos maghugas ay nanood kami ng telebisyon. Kahit
binabayo pa rin ng Habagat ay tuloy pa rin ang saya basta
sa Baliwan Cinema at hindi naming maiwasang
humagikhik ng malakas. Matapos manood at dala na inaantok nanaman ay natulog
ako. Kahit minsan ay
hindi magaganda ang nangyayari sa buhay ko ay pasalamat pa rin ako dahil hindi
ko dinadanas ang dinadanas ng mga nasalanta ng Habagat at
sana'y malampasan nila ang problemang kanilang kinakaharap.
2N-S. Nasarapan nanaman
sa pagtulog kaya Alas-kwatro na ko nagising. Kakatamad maligo subalit pinilit
ko pa rin upang maging presko at bumango bango naman. Kinagabihan ay sumilip na
si Haring buwan subalit saglit lamang ito at kaagad nagtago, marahil ay
nahihiya at maya-maya'y muli nanamang bumuhos ang ulan. May huling pahirit pa
yata ang Habagat. Kaya naman may Habagat dahil
may bagyong nagpapaigting sa kanya. Habagat lang yan, di bagyo
kaya huwag siyang assuming. Matapos manood ng telebisyon ay heto
nanaman at matutulog sa malambot at makinis na kama.
August 22, 2013
Thursday
Year I-234
2N-T. Malapit ng sumapit
ang ikalima ng umaga ng magising ako, nakj at late na ko pero
yun pala'y suspendido nanaman ang klase dahil sa magdamagang ulan. Binuksan ko
ang telebisyon upang alamin ang pinakasariwang balita ukol sa pananalasa
ng Habagat, updated kasi ako pagdating sa mga
Bagyo at Habagat. Grabe at marami pa ring mga lugar dito sa Luzon ang
nalulubog sa baha at marami pa rin ang mga residente sa iba't ibang lalawigan
ang nasa evacution center kahit hindi na malalakas
ang pag-ulan. May mga lugar na rin ang naisailalim sa state of calamity sa
dami ng napinsalang ari-arian ang natamo sa pananalasa ng Habagat at
ang nakakalungkot isipin na marami na ang nasawi.
2N-U. Kakaiba talaga
ang Habagat ngayon, sobrang mapaminsala at mamamatay tao pa,
kung sa bagay kagagawin rin naman natin kung bakit nangyayari sa atin ito. Kung
marunong lang tayo mangalaga sa kalikasan ay di sana ito maniningil ng
sagad-sagaran at walang buhay ang masasayang. Marahil ay nagtampo na si Inang
kalikasan at gawa na rin ng Climate change. Isa pa ay
di naman babaha ng ganoong kataas kung hindi tayo pabaya at may disiplina sa
pagtatapon ng basura sapagkat ang basura na siyang bumabara sa daanan ng tubig
sa kanal at ilog ang dahilan kung bakit nakakaranas tayo ng mga
pagbaha. Kasalanan talaga natin ito kung bakit ganito ang nangyayari sa
panahon ngayon at kailangan nating magbago.
2N-V. Tumila na ang ulan
at sumilip na si haring araw subalit maya-maya pa'y dumilim nanaman ang
kalangitan at muling bumuhos ang ulan. Kakabato talaga kapag nandito ka lang sa
bahay kaya nagpatugtog na lang ako upang malibang. Sa pamamagitan ng masisining
at magaganda kong awitin ay nakakabawas sa alalahanin at pwede rin pampa-relax.
Kinatanghalian ay tuluyan na ngang nagpakita ang araw. Aalis nun si mama at
dahil kailangan ng Scientific Calculator para
sa Physics ay nagpabili ako. Nanood ng telebisyon at kakatuwa
talaga ang batang si Ryzza mae. Kahit tabatsoy ay cute naman
ito kung manalita lalo na nung umiingles, nosebleed siya dun. Matapos ang Ryzza Mae show ay Baliwan Cinema naman
ang pinanood namin at kakabagan ka talaga sa kakatawa.
2N-W. Hindi pa man ako
nakakatulog ng nakabalik na si Mama at nabili niya ang calculator.
Dahil di pa bihasa sa paggamit ng scientific calculator ay
mabusisi ko itong pinag-aaralan sa pamamagitan ng pagpindot at marami ka
talagang magagawa sa scientific calculator na
labis mong ikakatuwa at di lang yang sa pagkumpyut ng mga quantities kundi
sa Trigonometry, Permutation at Combination na
araw-araw nating naiingkwentro. Lalo pang gumanda ang panahon pagsapit ng
dapit-hapon kaya marami nanamang tsikiting ang sobrang humaling sa paglalaro
ng Texts card at maingay muli sa aming baryo. Bahagya namang
umambon pagkagat ng dilim na siyang nagpauwi sa mga batang saksakan ng ingay.
Matapos manood ng Muling buksan ang puso ay kaagad na kong
natulog sapagkat may klase na bukas. Kaines lang pagkat di pa dineretso ang
bakasyon hanggang Martes, tapos dadaan muli ang weekend at holiday pa
sa Lunes.
August
23, 2013
Friday
Year I-235
Friday
Year I-235
2N-X. Kahit tinatamad ng
pumasok dahil wala nanamang pasok kinabukasan at inaantok pa'y sinubukan ko pa
ring bumangon at kumain ng agahan. Sayang kasi ang baon pag di pumasok at isa
pa'y maraming lesson ang maaring mawala sayo. Malakas ang
kutob ko na kakaunti lamang ang papasok ngayon, siyempre karamihan sa mga
estudyante ay tatamarin ng pumasok at karaniwang sakit na nila yun. Dinadalaw
man ng katamaran ay di pa rin ako panaig at nagpatuloy pa rin sa pagpasok.
Mistulang Ghost town ang campus sa
madalang na pagdating ng estudyante.
2N-Y. Pagpasok sa silid,
nakakaimbyernang tinig na nakakasulasok sa pandinig ang kaagad kong narinig,
boses pala yun ni Ibarra at kung makapag-usap kila Jona
Mae at Pradez ay kala mo nakikipagtalo. Bukod sa
kanya'y may ilan ring saksakan ng ingay, kakaunti lamang ang pumasok at
nabibilang subalit wala sa dami ng estudyante ang ingay. Ilang sandali pa'y
dumating na si Sir Arnulfo at nagkaroon kami ng
panibagong sitting arrangement at groupings.
Kapanibago dahil sa gilid lang ang upuan at maglalaan ng malaking espasyo sa
gitna. Bago pa man umalis si Sir ay nag-iwan ito ng sangkaterbang
takdang-aralin. Maging sa oras ng MAPEH ay sangkaterbang activity rin
ang iniwan, sa awa ni Ma'am Mina ay sa Miyerkules pa raw ang
pasahan, marunong daw kasi maawa paminsan-minsan.
2N-Z. Habang nagdi-discuss si
Ma'am ay biglang pumasok si Sir Velarde at may
inanunsyo. Tuloy raw ang play bukas subalit kaagad binawi at
sinabing sa Lunes na raw pagkat may MTAP pa bukas. Habang
wala pa si Ma'am Miranda'y karakaraka na kaming
gumawa ng takdang-aralin sa Math. Ng English na'y
nag-ensayo kami dahil may performance kami mamaya. Dahil di
kagandahan ang tinig ko at iyon pa ang maging mitsa ng pagkatalo namin ay nag-lip
sync na lamang ako. Katawa sila Jona Mae at Nataniel ng
sila na ang mag-perform sapagkat ang kukulit ng action nila
at daming galaw. Kahit nabibilang lamang kami ay naging masaya pa rin ang araw
ko at lalo pang sumaya ng makakuha kami ng mataas na marka mula kay Ma'am.
Tamang kwentuhan at tawanan ang ginawa ko kina Reynald, Leonardo at Jobil habang
di pa dumadating si Sir Harren.
2O-A. Nang maglaon ay
tinamaan ako ng matinding gutom kaya sinamantala ang panahong wala si sir sa
pagtungo sa canteen at bumili. Karipas na lang ng takbo
pagkalamon at ilang sandali pa lang na nasa silid ay dumating na si Sir
Harren. Nagkaroon din kami ng activity. Sa oras ng Physics ay
lalo pang sumaya ang araw ko pagkat habang nagtuturo si Sir Martin ay
agaw eksena ang Manila paper na natanggal sa lakas
ng hangin. Tawa tuloy kami ng tawa at pati si Sir ay di maiwasang matawa, nauwi
na tuloy sa tawanan ang kaninang seryosong pagtuturo. Itong si Poliquit naman,
kahit maloko at medyo hambog ay matutuwa ka rin pagkausap mo siya. Habang di pa
oras ng uwian ay nangopya muna kami sa papansing Manila paper.
August
24, 2013
Saturday
Year I-236
Saturday
Year I-236
2O-B. Dinig ko na ang
pag-uusap nila Mama at Papa subalit hindi pa rin napaparam ang antok at gusto
ko pang matulog. Alas-sais pa lamang ng umaga at madilim-dilim pa sa labas.
Mag-iikawalo na ng umaga ng magpasyang bumangon. Kakabato ang umaga ko at
parang walang kabuhay-buhay di dahil tahimik, idinaan ko sa pagpapatugtog.
Nabuhay ang dugong dumadaloy sa ugat na kaninang tulog ng marinig ang magaganda
kong awitin at iyon ang nagpasigla sa akin. Maganda rin minsan ang nakangiti at
masayahin upang tanggal stress at makakaiwas ka pa sa
sakit-sakit because laughter is the best medicine. Si Ate Lorlie nga
na kahit nagdidildil ng asin sa araw-araw at hikahos sa buhay ay hindi man lang
dinadapuan ng sakit, paano makatawa'y parang wala ng bukas at dinig ang kanyang
paimpit na tawa kahit ilang milya ang layo.
2O-C. Medyo natatawa na
rin ako kapag naririnig ko ang tawang tuwang tuwa sa galak. Matapos mag-almusal
ay naglinis na ko sa loob ng bahay. Nagwalis, nagpunas ng sahig at kagamitan at
naghugas ng plato, iyon ang inatupag ko sa umagang iyon. Maganda rin ang sikat
ng araw kaya maganda ring pagkakataong makapagpatuyo ng nilabhang damit, kaso
padating nanaman si sama ng panahon at mukhang panandalian lamang ang init.
Patuloy ako sa pag-e-enjoy sa pakikinig ng music. Nang magsawa ang
teynga, pinatay ko na at baka marindi na ang kapitbahay. Marunong rin naman ako
makiramdam paminsan-minsan. Kalagitnaan ng araw, muli nanamang inatake ng
antok. Hindi na sana matutulog at gagawa pa ng takdang-aralin sa AP subalit
hindi ko na kinaya ang antok, antukin talaga ako kahit di masyadong nagpupuyat. Nang makalikom na
ng sapat na lakas ay sinimulan ko ng gawin ang takdang aralin sa AP,
hirap ako sa pagsagot sapagkat saksakan ng ingay sa baryo namin.
2O-D. Naghanap na lamang
ako sa artikulo ng bawat lesson ng tamang sagot at inabot ako
ng Alas-kwatro, saktong dumating na si Mama galing Ever at may
dalang meryenda. Isinantabi ko muna ang paggawa ng takdang-aralin sa AP at
nagmeryenda. Nang maumay sa dami ng nilamon ay ipinagpatuloy ko ang paggawa ng
takdang-aralin sa AP, hanggang ikalawang takdang-aralin lamang ang
natapos ko at may natitira pang anim na takdang-aralin. Maya-maya’y nagpa-load ako
at nakipag-text kina Jobil at Jenny mae.
Sa kasarapan sa pakikipag-textmate ay di namalayang gabi na. Habang
nanonood ng telebisyon ay biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. May pangamba
nanaman sa dibdib na baka muling bumaha. Pasalamat kami at di nagtagal ang ulan
kaya napanatag kami at balik muli sa panonood ng telebisyon. Alas-onse na namin
pinatay ang telebisyon at natulog.
August
25, 2013
Sunday
Year I-237
Sunday
Year I-237
2O-E. Maliwanag na ng
magising ako at bumangon. Parang nakakaramdam ako ng pangangasim sa sikmura at
lumiliyab pa ang dibdib kaya bago magkape ay inom muna ng tubig. Dahil busog ay
di na ko nag-almusal pa at diretso paghuhugas ng plato. Nagpatugtog muli
upang magkaroon ng kulay na walang hanggan ang buhay. Matapos maghugas ng plato
ay nagwalis ako. Ang Mudra naman, mistulang pwet ng manok sa
kakaputak at halos mabulabog na ang buong Universe sa tindi ng
pagbubunganga niya. Muntik-muntikan ng masagot subalit nagpatuloy na lang ako
sa pagwawalis. Grabe ang Mama ko ngayon, nag-uumapaw sa kahaybladan. Marahil ay
may tinatagong kulo o Menopause na. Ganda-ganda ng soundtrip ko
tapos pinapapatay lang niya dahil maingay daw, sa puntong iyon ay doon ko na
siya nasagot sagot.
2O-F. Alam kong mali ang
ginawa ko pero sumosobra na siya at pati tugtog kong napakaganda'y hindi niya
pinalagpas. Ipinagpatuloy ko
ang paggawa ng takdang-aralin matapos ang gawaing bahay. sunod ay takdang-aralin
naman sa MAPEH ang inatupag at nag-research rin
sa internet. Saksakan talaga ng ingay sa labas at nakakairita sa
pandinig. Pagkadungaw sa bintana'y may feeding program pala
para sa mga bata. Buti pa ang mga bata, pinapakain at kung sa bagay, malnourished sila,
marahil hindi kumakain ng tatlong beses sa isang araw gawa ng kahirapan.
Paasenso nga ang Pilipinas subalit laganap pa rin ang
kahirapan sa bansa. Dagdag pa ang buwis na binabayad ng mga kumakayod sa atin
tapos ang pera ay mapupunta lang sa mga kamay na lumulustay, masunod lamang
luho nila.
2O-G. Bukas na bukas din
ay diyan na matutuldukan ang maliligawang araw ng tiwaling politiko pagkat
may Million people march na isasagawa sa Luneta bukas
upang labanan ang Pork barrel. Kung tutuusin yang mga
senador at Congressman, yumayaman lang sila dahil sa kaban ng
bayang kinukulimbat nila.
Sa halip na kurakutin nila ay dapat pa ngang
iambag sa lahat ng departamento upang makatulong sa ikakabuti ng karamihan at
may magamit sa panggastos sa lahat ng proyekto. Karamihan sa mga politiko, di
lang sa kapangyarihan silaw maging sa salapi. Matapos lumamon at manood ng
telebisyon ay higa nanamang muli sa kama upang matulog. Mga Alas-tres na ng
hapon ako nagising, madilim na sa labas hanggang sa bumuhos na ang ulan. Balak
ko sanang gumawi kina Regine (Miano) subalit ulan ang pumigil
sa akin. Natuloy naman ang balak ko pagkatila ng ulan pero bago tumungo sa
kanila'y sinamahan ko muna si Berna sa pagbili ng pampers at
bigas.
2O-H. Habang nasa daan
ay nagkwento ito subalit binilinang huwag sasabihin kahit kanino maski sina Shiela at Regine.
Hindi ko lubos maunawaan si Berna kung bakit ayaw niyang
ipaalam sa kanila. Nang makarating ay samu't saring bisita ang nandoon at sa
tagal ng panahong di nakakabisita'y kinamusta nila ako. Kaagad akong dumeretso
sa bahay ni Ate Bing at nag-usap kami. Si Aira naman
kahit napakakulit at harot ay siya ang nagbigay aliw sa akin. Nilambing lambing
ko nga ang batang iyon at tawa naman siya. Nang maghahapunan na sila ay umuwi
na ko, kahit todo-udyok si Ate Bing sa akin na sa
kanila na maghapunan ay tumanggi pa rin ako. May delikadesa naman ako paminsan-minsan.
Kinailangan ko ng umalis at nangakong babalik matapos kumain sa bahay subalit
gawa ng gabi na'y hindi na ko natuloy at nanood na lamang ng telebisyon. Wala
nanamang pasok kinabukasan kaya mga dakong Alas-onse ng maisipang matulog.
Kahit nakahiga sa kamang kay lambot ay di pa rin kasarapan ang tulog ko. Gumawa
na lang ng paraan para antukin.
August
26, 2013
Monday
(National Heroe’s day)
Year I-238
Monday
(National Heroe’s day)
Year I-238
2O-I. Napaaga pa rin ang
gising ko kahit walang pasok. Medyo inaantok pa't umidlip muna. Alas-siete na
ng muling magising ang katawang lupa at bumangon. Hindi nagpakita si haring
araw at parang kay lungkot ng kalangitan sa kakulimliman at nagbabadya pang
umulan. Pagkakinig sa balita, may paparating nanamang bagyo. Naku at panibagong
delubyo nanaman ang kahihinatnan namin kung magkataong tumama ito at doble
dagok pa mula ng manalasa ang Habagat. Ngayon rin ang Million People March na
gaganapin sa Luneta subalit malayo pa sa target na
isang milyon ang dami ng ralihistang dumalo sa pagtitipon. Napapanahon talaga
ngayon tungkol sa Pork barrel at dahil sa paulit-ulit na isyu
hinggil diyan ay unti-unti ko ng naiintindihan at nalalaman kung ano nga ba
ang Pork barrel.
2O-J. Ito yung perang
nalikom sa taong bayan na naipagkatiwala sa kamay ng Senator, President at
ibang personalidad ng pamahalaan upang may maipangtustos sa kanilang proyekto
na siyang nakakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya at sa ikakabuti ng mamamayang
Pilipino. Kaso ang problemang di mapuksa-puksa'y binubulsa lamang naman nila ito
tapos wawaldasin upang lasapin ang karangyaan samantalang nagpapakasasa tayo sa
kahirapan. That is unfair at kanser na talaga sa lipunan ang
katiwalian sa bansa. Kaya di umaasenso ang bansang Pilipinas dahil
sa corruption at yang mga kalamidad na dumadating sa atin,
marahil ay tanda ng pinaparusahan na tayo ng Diyos at kailangan ng magbago't
magsisi. Masasama na kasi ang mga tao ngayon na sagad hanggang kailaliman ng
buto.
2O-K. Para sa akin,
bulok ang sistema ng pamamalakad ng pamahalaan sa Pilipinas at
marami pang mga pangangailangan ang nakatengga't di matugunan ng maayos. Hindi
na mahulugang karayom ang mga taong nagproprotesta upang ibasura na ang Pork barrel sa Quirino Grandstand.
Kahit umaambon ay hindi sila patinag at galit na galit nilang inalabas ang
saloobin tungkol sa Pork barrel. Kanya-kanya rin silang
sagawa ng programa at walang kinikilalang leader. Muli nanamang
dinalaw ng antok kaya pagkatapos manood ng telebisyon ay natulog ako. Mga
Alas-tres na ng muling dumilat ang mata. Meryenda kaagad ang nasa isip ko na
dahilan kung bakit nagutom ako. Bumili ako ng Hopia subalit
wala pa rin akong kakuntekuntento.
2O-L. Saktong
pagkagising ng ate ay inutusan akong bumili ng tinapay, tiba-tiba nanaman sa
pagkain. Sa lambot at mainit-init ay nakalimang buong tinapay ako at sobrang
naumay. Sa kabusugan ay mukhang di na maghahapunan mamaya. Kabatong manatili sa
loob ng bahay, naisipan kong dumalaw kina Tita Jean.
Andun si Amihan at Tita Jean pagkadating
at nagkwentuhan kami. Ito naman si Amihan, superhyper at
napakagalak ng makita ako. Parang gusto ko talagang magkaroon ng isa pang
kapatid dahil kay Amihan, kakalibang kasi. Inabot na ko ng dilim sa
kanila kaya kinailangan ko ng umuwi. Naghahapunan na nun sila Mama pagkauwi at
dala ng kabusugan, kakarampot lamang ang kinain ko. Siyempre bago matulog ay
nanood muna ako ng telebisyon kaso hindi ko na mapapanood ang Muling buksan ang puso,
sayang at di ko na makikita ang kakisigan at kakinising hanggang talampakan
ni Papa Francis. Kainis kasi tong Got to believe at
siningit pa nila pero maganda rin at swak panoorin.
August
27, 2013
Tuesday
Tuesday
Year I-239
2O-M. Nagwakas na ang
maliligayang araw na walang pasok dahil wala ng aasahan pang holiday maliban
na lamang kung bumabagyo na huwag sanang maulit. Heto na nga at dinig sa
bubungan ang malakas na buhos ng ulan at iyon ang nagpagising sa akin. Alas-dos
pa lamang ng magising ako. Tumila naman ang ulan makalipas ang dalawang oras
kaya tuloy pa rin ang klase. Pabukangliwayway na ng makarating sa eskwela at marami
ng mga kamag-aral ko ang nasa silid. Bago dumating si Sir Arnulfo'y naglinis
muna kami. Ilang sandali pa'y dumating na nga si Sir at may mahalagang
inanunsyo sa amin. Kaba sa dibdib ang nadama ko ng oras ng TLE dahil
ipapaalam na ni Sir kung sinu-sino ang bagsak. Madami-dami rin ang tagilid
ang grade at sa kasamaang palad ay isa ako sa nabanggit.
Sobrang nanlumo ng malamang bagsak.
2O-N. Malakas ang kutob
ko na may kinalaman ang pagkamuhi ni Sir sa akin dahil nahuling nangopya kaya
bumagsak ako. Ayaw kong isipin na binagsak niya talaga ako pero lumilitaw pa
rin sa utak. Nagpapasa naman ako at kumpleto rin ang Quizzes at long
test ko tapos lalagapak lang. Parang nawawalan na tuloy ng ganang
mag-aral. Sa oras ng MAPEH, wala si Ma'am Mina at
sa halip na makipagtsikahan sa katabi ay gumawa ako ng takdang-aralin sa AP.
Itinigil ko lamang ng dumating si Sir Velarde. Kawawa
naman yung lahat ng nagbayad, di kasi matuloy-tuloy ang stage play at
lagi na lang nauudlot. Buti na lamang at di ako sumali pagkat walang katapusang
asa ang mangyayari sa'yo. Di na ko nag-breaktime sa takot na
mapagalitan ni Ma'am Miranda.
2O-O. Sa oras ng English, dahil sa
pasaway kong kamag-aral na nahuling pumasok sa klase ay halos maubos ang oras
ni Ma'am Miranda sa kakasermon sa kanila. Matapos manermon,
nag-discuss si Ma'am at nagkaroon kami ng pangkatang gawain. Sa
oras naman ng Math, wala si Sir Harren subalit
may matandang lalaking guro ang humalili kay Sir at nagturo. Dinugo ang ilong
namin sa lalim ng Ingles niya at naging boring ang klase dahil
sa pagtuturo niya. Bumalik lamang sa dating sigla ang silid-aralan pagdating
ni Sir Martin at lalo pang nadagdagan ang saya ng ianunsyo
niyang walang pasok bukas dahil NCAE ng third year. Another holiday nanaman
at may time pa para makagawa ng assignments and project.
Bago umuwi ay nag-usap muna kami ni Jarito tungkol sa project sa Physics.
Nang mapagkasunduan ang gagawin ay saka pa lang ako umuwi.
2O-P. Pagdating sa bahay
at dala ng matinding gutom ay nananghalian ako. Nasa Norte ang bagyo pero
parang nandito ito dahil pabugso-bugso ang malakas na hangin. Hindi pa inaantok
kaya nagkumpyuter muna ako at ng magsawa'y ipinagpahinga ko ang paningin ko.
Alas-singko na ko nagising. Pagkagat ng dilim ay nagtungo muli ako sa bahay
nila Regine (Miano). Tulog na si Regine kaya
kay Ate Bing ako tumuloy at nag-usap kami.
Napag-usapan namin ang tungkol sa high school life at
lahat ng saloobin ko sa aking mga kaeskwela'y sa kanya ko ibinuhos. Gumaan ang
loob ko at kahit pakiramdam ko'y bingi-bingihan ang sinumang kausapin ko
tungkol sa nararamdaman ko'y may teynga pa rin handang magbukas at nakita ko
iyon kay Ate Bing. Sarap pala sa pakiramdam kapag
naubos ang lahat ng sama ng loob. Sa dinami-rami ng napag-usapan ay hindi
namalayang sumapit na ang ikasiyam ng gabi kaya kinailangan ko ng umuwi. Sa
kadahilanang walang pasok bukas ay nakanood pa ko ng Muling buksan ang puso.
Saksakan talaga sa kagwapuhan si Francis at kilig much
to the bone ang pagmamahalan nila ni Sarah.
August
28, 2013
Wednesday
Year I-240
Wednesday
Year I-240
2O-Q. Wala muling pasok
dahil ngayon isasagawa ang NCAE para sa third year subalit
sa lakas ng alarm ng aking cellphone ay
nagising pa rin ako ng maaga. Medyo inaantok pa't piniling matulog muna.
Maliwaliwanag na sa labas ng muling dumilat, pagkatingin sa relo'y sumapit na
pala ang ikawalo ng umaga. Maya-maya’y nag-text sa akin ang
kamag-aral ko at sinabi niya sa akin na di raw tuloy ang NCAE ng third year.
Ano ba ito at pabago-bago sila ng isip, kakalito. Nanlumo ako sa araw na nasayang
na dapat sana'y pumasok ako. Upang maalis ang panghihinayang na may kasamang
lumbay ay idinaan ko na lamang sa tugtog. Maya-maya’y gumawa na ko ng activity sa MAPEH. Rainy season na
pero animo'y summer season pa rin gawa ng sobrang
init sa labas at tumagaktak ng husto ang pawis ko. Tanghali na ng matapos kong
gawin ang activity sa MAPEH.
2O-R. Matapos lumamon ng
kinainan ay naisipan kong manood ng telebisyon para tanggal bato. Naging masaya
nanaman ang tanghali ko dahil kay Ryzza na walang sawang nagbibigay
saya sa mga manonood. Manonood sana ako ng Baliwan Cinema ng
biglang makaramdam ng pananakit ng tiyan. Sa halip na indahin ang sakit ng
tiyan para lang makanood ay inilabas ko na lang ang tinatagong sama ng laman.
Hayahay ako pagkadumi. Ilang sandali'y tinamaan nanaman ako ng antok kaya
tumulog nanaman ako. Mga Alas-tres ng hapon ako nagising at nagkumpyuter muli.
Ng matapos kong gawin ang iba pang activity sa MAPEH na
di pa naipapasa kay Ma'am Mina sa computer ay
nagpa-print na ko. Kinukulang ako sa kwarta kaya marami pang activity ang
di ko pa napapa-print. Habang naglalakad pauwi'y biglang sumagi sa akin
na bisitahin si Aldrian.
2O-S. Pagdating sa
kanilang bahay ay nadatnan kong abala ito sa pagkukumpyuter. May bagay na
napag-usapan subalit di na ko nagtagal pa. Balak pa sanang dumeretso kina Regine (Miano) subalit
madilim na at baka kung ano pa mangyari sa akin. Pagkauwi ay bukas na ang
telebisyon kaya nakinuod na lamang ako. Grabe, sa kabila ng pagiging maginoo at
makisig ni Francis kay Sarah ay
pinagbabawalan itong umibig ng kanyang ina dahil ang pangamba ng dalawa niyang
pamilya, aatakihin ito sa puso at may problema ito sa puso simula ng ipanganak.
Ni hindi nga ito pwedeng mapagod. Pakiramdam ko parang parehas kami ng buhay
ni Francis, bawal mapagod pagkat sakit ang abot subalit di
nangangahulugang may sakit ako sa puso kundi hikain lamang. Matapos manood ng
telebisyon ay natulog na ko.
August
29, 2013
Thursday
Year I-241
Thursday
Year I-241
2O-T. Hindi pa man
tumutunog ang alarma ng cellphone ko'y nagising na ko at di na
patumpik-tumpik karakaraka pang bumangon. Naghanap ng makakain at ng makaluto'y
saka pa lamang nag-almusal. Sumunod na gumising ay si Mama. Malapit ng
magbukangliwayway ng makaalis ako mula sa bahay at kasabay ko si Regine Cebrero sa
pagpasok. Daming estudyante sa labas ng eskwela kaya nahirapan kaming pumasok.
Pagdating sa silid, ibinalita sa akin ni Ibarra na may
pag-uulat kami ngayon. Kaba sa dibdib ang una kong naramdaman kaya pwersado ako
sa pagrerepaso. Tuloy pa rin ako sa pagrerepaso ng aking iuulat kahit may
nag-uulat na sa harapan. Laking tuwa ko ng di matuloy ang aming pag-uulat at
may time pa para makapaghanda. Sa oras naman ng TLE ay
nagturo lamang si Sir Balbin tungkol sa CPU.
2O-U. Sa oras naman
ng MAPEH, maselan ang topic pagkat ang discussion ay about sex education. Kahit mature na
ang aming pag-iisip, sa oras na may mabanggit na di kagandahang salita si Ma'am Mina ay
di pa rin maiwasang mag-react at humalakhak. Kahit kailan, ang saya
magturo ni Ma'am Mina, parang yung problema mo'y
pinapawi ng saya. Sa oras naman ng Physics ay nagturo lamang
si Sir Martin about Ohms law.
Matapos magturo ni Sir Martin ay inanunsyo niyang
magdadala kami ng materials bukas. Sa oras naman ng English, reporting nanaman about narrative and drama at
ako ang naatasang mag-ulat sa harapan. Si Ma'am Miranda ang
kaharap ko kaya ibinuhos ko lahat ng aking makakaya. Ilang sandali'y nagkaroon
ng quizzes bee competition.
2O-V. Kahit medyo
kinakabahan ay lakas loob pa rin akong nag-volunteer upang lumaban.
Sina Mary Joy, Jona Mae, Allaine at Mandy ang
aking nakalaban at sa bawat tanong na ipupukol ni Ma'am sa amin ay matinding
pag-iisip ang ginawa ko. Napakabait talaga ng panginoon at di niya ko hinayaang
matalo sa huli. Dahil sa pagkapanalo ko'y laking puri sa akin ng mga kagrupo ko
at tuwang tuwa ako.
Sa oras naman ng Math, nag-discuss lamang
si Sir Harren. Tahimik sana ang buong silid ng umingay
nanaman ng umalis si Sir Harren lalo na yung isa
na daming tigidig, officer pa man din pero walang preno ang
bibig at daig pa ang babae kung makipagtsismisan. Sa oras naman ng Physics ay
nag-quiz kami.
2O-W. Nang tseking na'y
hindi ako pinalad makapasa. Kahit masama ang init ay gora pa rin ako sa
paglalakad. Katakot takot na sermon tuloy ang inabot ko pagdating sa bahay at
binantaang babawasan ang aking allowance. Laking pagsisi ko
sapagkat nagawa pang sabihin. Matapos lumamon ay natulog na ko. Ng makalikom ng
sapat na lakas ay nagkumpyuter ako. Sunod ay nagrepaso na ko sa AP.
Matapos magrepaso'y nanood ako ng telebisyon. Magandang balita kaagad para sa
lahat ng tax payer pagkat sumuko na si pork barrel queen na
si Janet Napoles. Kahit sumuko na siya'y marami pa rin
ang nagdududa kung bakit sa pangulo siya sumuko. Tanong mahirap hanapan ng
kasagutan. Habang nanonood sa telebisyon ay wala akong inatupag kundi makipag-text.
Minsan lamang ako magpa-load kaya sinusulit ko na ang panahong
naka-unli sa pagte-text. Ng ma-lowbatt ang cellphone ay
saka lamang natulog.
August 30, 2013
Friday
Year I-242
2O-X. Kundi dahil sa
malakas na alarm ng cellphone kaya nagising
pa rin ako ng maaga. Walang makitang makain sa mesa at naghalughog pa sa refrigerator. Hotdog ang
naging agahan ko at ako na mismo ang nagprito kahit gamit na mantika na ang
pinangsahog sa kawali. Napakabilis talaga ng takbo ng oras at malapit ng
mag-ikalima ng umaga subalit di pa ko nakakaligo. Medyo maliwaliwanag na ng
makarating sa eskwela. Heto nanaman at may pag-uulat muli sa AP,
todo repaso ang aking ginawa sa takot na magisa ng husto ni Sir Arnulfo.
Lalo pang sumidhi ang kaba sa dibdib ng sila Jona Mae na ang
nag-ulat, buti na lamang at kinapos sa oras kaya sa Martes pa kami
makakapag-ulat. Ilang beses na kaming nakakaligtas. Sa oras naman ng Values ay
nagkaroon kami ng mahabang pagsusulit. Himala at napasobra yata sa kapayapaan
ang buong silid na kahit na maiingay sa klase'y seryoso sa pagsagot ng test.
2O-Y. Sa oras naman
ng MAPEH, lahat ng walang assignment ay pinalabas
ni Ma'am Mina. Sa dami ng
pinalabas ay halos maubos na ang estudyanteng nasa loob, maski si Bacsal at Mandy na
kanang kamay ni Ma'am Mina'y hindi nakaligtas. Nakabalik lamang kami sa silid
pagkatapos ng MAPEH. Sa oras naman ng Filipino ay
nagtungo kaming lahat sa covered court upang
manood ng ginaganap na Buwan ng wika. Sa ganda at gara ng costume ng
bawat kalahok ay aakalaing pwede ng ilaban sa international literature competition at
kung bumigkas ay sabay-sabay at malakas. Kaso nga lang sa tagal ng program ay
nalipasan na ko ng gutom. Sa wakas at natapos rin ang naturang programa at
nakapag-breaktime pa kami. Dala ng matinding gutom ay halos tamaan
na ng ulcer.
2O-Z. Kinain na ng
panonood ng buwan ng Wika ang oras sa English at oras na pala
ng Math. Habang nanenermon si Sir Harren sa
lahat ng nahuli na nasa labas ay lihim akong kumakain ng halo-halo. Hindi naman
gaano kabagsik kung magpagalit si sir kaya nakapag-lesson pa ito.
Sa oras naman ng Physics ay nagkaroon kami ng gawaing upuan.
Buti na lang at dala ko ang Scientific calculator kaya
di ako nahirapan sa pagkompyut. Doble pa sa inaasahang saya ang namutawi sa
aking dibdib pagkat nakapasa ako. Bago pa man umuwi'y
nagtungo muna ako sa registrar upang bumili ng workbook sa AP.
Pagkabili'y saka lamang umuwi. Medyo nakakaramdam ng konting hilo subalit di
ako pahalata at itinulog na lamang.
2P-A. Mga Alas-kwatro na
ko nagising, nawala ang aking pagkahilo at bago pa man lumayas ay naghugas muna
ako ng plato. Nang matapos ang hugasin ay gora na ko patungo kina Tita Jean.
Si Amihan at Itang lamang ang nandun at abala
si Itang sa pagsisiga. Nag-usap-usap muna kaming tatlo habang
wala pa si Tita Jean. Pagkadating ay saka pa lamang
kami nagtsikahan. Todo kumbida sa akin si Tita Jean na
dumalo sa birthday party ng anak ni Tita Yetet na
gaganapin sa Linggo. Sa sobrang saya ko'y agaran akong pumayag at nangakong
makakadalo. Minsan lang ito mangyari sa buhay ko kaya hindi ko na pinalagpas pa
ang pagkakataon. Nanatili pa ko sa kanila hanggang sumapit ang Alas-sais ng
gabi.
2P-B. Pagkauwi’y humingi
ako ng pahintulot kay Mama tungkol sa imbitasyon nila Tita Jean subalit
todo kontra naman ang Ate.
Hindi na lamang ako umimik pa at baka sumiklab muli ang away.
Nag-alburoto muli ng husto ang kuya ko at naungol kapag patalastas kaya sa
halip sa telebisyon subaybayan ang paboritong palabas ay sa cellphone ko
na lang. Tinapos ko munang panoorin ang Muling buksan ang puso.
Alas-dyis na pala ng gabi at dala ng antok ay kinailangan ko ng matulog. Parang
may nararamdaman akong hindi tama sa katawan, marahil ay pagod lamang yan.
August
31, 2013
Saturday
Year I-243
Saturday
Year I-243
2P-C. Nilalagnat ako ng
madaling araw at nahihirapan akong bumangon gawa ng panghihina. Ibinalot ko na
lang ang buong katawan sa kumot upang di ginawin. Bukod sa nilalagnat ay parang
sisipunin ako pagkat sumasakit ang lalamunan ko. Bumaba naman ang lagnat ko
pagputok ng liwanag subalit dama ko pa rin ang pananakit ng lalamunan at
panghihina. Follow up check up namin
ngayon doon sa UST kaya kahit masama ang timpla ay pinilit ko
pa rin bumangon. Itinago ko kila Mama ang aking nararamdaman sa takot na
mag-alala at masermunan. Umasta akong parang ayos lang sa kabila ng iniindang
karamdaman. Kahit nawawalan ng ganang kumain ay pinilit ko pa rin upang di
magutom mamaya at naligo pa rin kahit mukhang giniginaw upang hindi nila
mahalata. Mga Alas-otso na kami umalis ng bahay at si Mama naman ang kasama
patungong UST.
2P-D. Habang nasa
biyahe'y unti-unti ko ng naramdaman ang pagkahilo at parang nasusuka. Hindi ko
na makayanan pa ang aking sarili kaya madalas ay nakayuko ako at di lumilingon
sa mga lansangang aming binabagtas pagkat lalo pa kong mahihilo. Pagdating ng UST ay
hindi lang hilo ang naramdaman ko, nanghihina at parang hindi ko na mapigilang
masuka. Sa sobrang panghihilo'y patigiltigil kami sa paglalakad at kung di na
makayanang magpatuloy sa paglalakad, malamang ay mahihimatay na ko. Gusto ko na
sanang ma-confine sa UST hospital subalit
wala kaming pambayad, kahit may dinaramdam na hilo't nasusuka'y nagpatuloy kami
hanggang makarating sa clinic. Nagtungo sa banyo at isinuka ang
dapat isuka. Guminhawa naman ang pakiramdam matapos sumuka subalit ngatog ako
sa sobrang ginaw, nilalagnat nanaman ako kaya lagi akong nakasandal sa braso ni
Mama.
2P-E.
Si Mama naman ay walang ginawa kundi sermunan ako. Gagastos pa sila pambayad sa
aking check-up, tapos mukhang magkakasakit pa ko. Sobrang na-guilty ako
ng oras na iyon at iniisip na sobrang pabigat na marahil ako. Ng tawagin
ng secretary ni Doctora Dacayan ay
kaagad na kong pumasok sa kanyang clinic at inilahad ang lahat
ng nararamdaman. Nakikita rin ng Doctora na talagang nilalagnat ako kaya may
panibagong gamot nanamang siyang inireseta sa akin. Ni-request rin
niya sa akin na kailangan ng magpa-blood test upang
malaman kung Dengue ba o ibang sakit ang dumapo sa akin. Takot
at kaba ang naramdaman ko sa sinabi niya at dagdag gastos pa kung
sakaling Dengue nga ito. Hindi na kami nakakain sa restaurant dahil
inaapoy ako ng lagnat at sobrang nanghihina. May balak pa sanang magtungo
sa Gabon Laboratory subalit hindi ko na kaya pang
maglakad ng malayo at umuwi na lang kami.
2P-F. Pagdating sa bahay
ay diretso higa ako sa kama at patuloy na nilalagnat. Panay pa rin ang sermon
ni Mama na nagpa-guilty pa lalo sa akin at sa palagay ko'y sobrang
pasakit ng hinahatid ko sa kanila. Bakit pa kasi ako nagkasakit ng ganto, di
naglabas nanaman sila ng pera. Bukod sa sermon ay pinagtaasan ako ng boses ni
Mama at ngitnit ito sa galit, naaborido na sa dami ng gastusin. Kumain lamang
ako ng makaramdam ng konting sigla subalit madalas ay nasa higaan at natulog.
Kinagabiha’y nahilo nanaman ako at naisusuka kung anumang pagkaing maisubo.
Hindi ko na alam ang nangyayari sa akin at umiikot na hindi maintindihan ang aking
paningin. Sa tindi ng pagkahilo'y natumba-tumba na ko. Sina Mama at Papa naman
tarantang-taranta na at naisipan ng isugod ako sa hospital.
Baka Dengue o Typhoid fever ang
tumama sa akin kaya ganito ang nararanasan ko. Inanalalayan nila ako ng gabing
iyon at dali-daling isinakay sa tricycle.
2P-G. Pagdating sa Philipine Children's hospital,
kahit medyo nahihilo'y kinaya ko pa rin ang sariling tumayo, makarating lang
sa emergency room. Grabe yung doktorang nakausap namin,
ang taray at di daw ako pwedeng i-admit dahil wala raw available na
higaan at pagkat ginagawa pa ang patience room. Nagtungo kaming
tatlo sa Malvar Hospital. May available para
sa admission subalit mahal, nagpa-blood test na
lamang ako. Mga Alas-onse na ng malaman ang results. Sabi ng doctor
na wala raw siyang nakikitang indikasyon na may Dengue nga ako
subalit infection raw sa dugo ang dahilan ng pagkahilo at
pagsusuka ko. Niresetahan nanaman ng panibagong gamot at talagang sakit na sa
bulsa ang nangyayari. Matapos maabisuhan ng doctor ay umuwi na
kami. Nanghihina pa rin ako subalit nabawasan na ang hilo at bumaba na rin ang
lagnat. Sa awa ng Diyos ay di naman Dengue ang tumama sa akin.