Miyerkules, Pebrero 20, 2019

75. March 2019


March 01, 2019
Friday

Year VII-060

March 02, 2019
Saturday

Year VII-061

March 03, 2019
Sunday

Year VII-062

March 04, 2019
Monday

Year VII-063

March 05, 2019
Tuesday

Year VII-064

March 06, 2019
Wednesday

Year VII-065

March 07, 2019
Thursday

Year VII-066

March 08, 2019
Friday

Year VII-067

March 09, 2019
Saturday

Year VII-068

March 10, 2019
Sunday

Year VII-069

March 11, 2019
Monday

Year VII-070

March 12, 2019
Tuesday

Year VII-071

March 13, 2019
Wednesday

Year VII-072

March 14, 2019
Thursday

Year VII-073

March 15, 2019
Friday

Year VII-074

March 16, 2019
Saturday

Year VII-075

March 17, 2019
Sunday

Year VII-076

March 18, 2019
Monday

Year VII-077

March 19, 2019
Tuesday

Year VII-078

March 20, 2019
Wednesday

Year VII-079

March 21, 2019
Thursday

Year VII-080

March 22, 2019
Friday

Year VII-081

March 23, 2019
Saturday

Year VII-082

March 24, 2019
Sunday

Year VII-083

March 25, 2019
Monday

Year VII-084

March 26, 2019
Tuesday

Year VII-085

March 27, 2019
Wednesday

Year VII-086

March 28, 2019
Thursday

Year VII-087

March 29, 2019
Friday

Year VII-088

March 30, 2019
Saturday

Year VII-089

March 31, 2019
Sunday

Year VII-090

74. February 2019 Journal


February 01, 2019
Friday

Year VII-032

Nalagas nanaman ang isang pahina ng Kalendaryo pagkat dumako na sa ikalawang buwan ng Taon, kay bilis talaga ng panahon at sa bilis nito, hindi namamalayang tumatanda ka na pala. Masarap pa sana ang tulog ko subalit nagising na kinamadaling araw dulot na sinisipon at binabahing pa. Sa sama ng pakiramdam ko, pakiwaring magkakasakit muli subalit hindi naman natuloy at bahagya naman umigi ang pakiramdam at lumuwag pa nga ang paghinga pagpatak ng umaga. Dahil sinisipon ng lagay dala na malamig ang panahon at maalikabok pa, pinagbawalan ako ni Papa na maglinis ng bahay. Walang nanaman magawa kaya inilaan ko na lamang ang oras sa pagbabasa ng Bibliya at pagsusulat ng kwento. Maya-maya pa’y naisipan kong magpunas-punas sa loob ng bahay at habang abalang-abala sa pagpupunas ay inggit ang namayani sa dibdib nang makita ang ate na binibigyan si Mama ng pera mula marahil sa paunang sahod ito. Hindi ko maipaliwanag kung bakit nakakaramdam ng inggit at buti pa siya, may kakayahang makapagsustento kina Mama samantalang ako na hanggang ngayon ay umaasa pa rin sa kanilang biyaya sa kabila na nakapagtapos. Hindi bale at darating ang panahon, kung anuman ang tinatamasa ngayon ni Ate, makakamtan ko rin at mas higit pa roon, manalig lamang sa Maykapal. Ganito man ako ngayon na walang-wala, hindi nangangahulugang habang buhay na ganoon at isinusumpang magiging asensado balang araw at malayo ang mararating. Nang makapalignis sa loob ng bahay at para hindi tamaan ng pagkabagot, heto muli ako na ibababad ang mata sa panonood ng mga drama sa Telebisyon. Hindi maiwasang dumaloy ang luha sa mga mata habang tinutunghayan ang eksena sa The Greatest Love pagkat ang ina na nagpakadakila sa kanyang mga anak at buong pusong ibinuhos ang pagmamahal, pumanaw na. Kahit batid kong palabas lamang iyon, dama talaga ang sakit at kapighatian kapag nawala ang mahal sa buhay lalo na ang nanay mo na walang ginawa kundi ipakita pa rin ang pagmamahal at sakripisyo, sa kabila na minsan ay suwail kang anak at nagagawa pang magpakita ng hinanakit sa kanya, kahit na paulit-ulit mo siyang nasasaktan, nandiyan pa rin siya na handa kang damayan at magiging sandalan pa nga sa tuwing nahaharap ka sa problema. Mga tao talagang hindi matatawaran ang pagmamahal gaya ng ating mga magulang kaya ganon na lamang kasakit at bigat sa kalooban kapag iniwan na nila tayo. Kinahapunan, tamang lamyerda muli ako't sa bahay muli nina Regine naisipang dumayo. Sumagupa kaagad ang tuwa pagkatungtong ko pa lamang sa kanila pagkat naroroon si Annie, walang humpay muli ang kwentuhan at kulitan naming magkaibigan na tipong habang tumatagal ay palalim na nang palalim. Pagpatak ng Alas-sais at dahil magsasaing pa, nagpaalam muna sa kanila. Nang makapaghapunan at gawa na nasasabik, bumalik ako kina Annie at tuloy ang kwentuhan. Ang kaninang masayang kwentuhan, nauwi sa pagkalumbay nang mapadako ang usapan patungkol sa kapatid nito na kakapanganak pa lamang, tapos agad na kinuha ang kanyang anak. Kay saklap nga lamang na saglit mo lang nakapiling ang anghel na ipinagkaloob sa'yo at kahit wala ako sa kalagayan ng kapatid ni Annie, dama pa rin ang sakit ng kalooban at nakaka-depress subalit kailangang magpakatatag at panatilihin ang pag-asa sa puso't isipan. Dala na napasarap ang usapan, malapit palang sumapit ang Alas-dyis nang mapagpasyahan kong umuwi.            

February 02, 2019
Saturday

Year VII-033

Sabado nanaman pala at kahit weekend, maaga pa ring nagising at nagbihis-bihis matapos mag-almusal pagkat may interview muli ako sa isang company na ang pangalan ay Dyna Chem na matatagpuan naman sa Caloocan. Walang ibang maramdaman kundi kaba habang patungo roon subalit nilakasan ko pa rin ang loob at inigtingan ang pananampalataya, umaasang papalarin na sa muling pagkakataon ko na sasabak sa interview. Mga dakong Alas-nuebe nang makatungtong ako sa Caloocan, hindi ko lamang maiwasan ang mainis pagkat ibinaba ba naman ako ng driver sa may barangay hall sa halip sa mismong kumpanya at lagpas pa ito, kinailangan ko pa tuloy na maglakad. Hindi ko na maiwasan ang mabahala at kabahan pagkat anong oras na, hindi pa nakakarating at late na late na. Kahit malabo nang makahabol ay nagpatuloy pa rin sa paglalakad at paghahanap kung saan banda ang kumpanyang pupuntahan hanggang sa may isang bus ang nakaharang sa aking daraanan. Sinubukan kong iwasan ang bus, ang kaso kapag iniiwasan ito'y masasagasaan naman ako ng mga sasakyan pagkat sinakop na nito ang gilid ng kalsada na daraanan ko. Pakiwaring may sign na ibinigay sa akin ang Diyos na tipong ipinapahiwatig na huwag nang tumuloy, hindi lamang ako sigurado kung iyon nga ba. Kinukutuban talaga ako na baka tama ang hinala kaya sumakay na ako pauwi. Pagkasakay ko, may isang matandang lalaki ang sumakay at kakikitaang nahihirapan sa paglalakad. Pinagmasdan ko ang matanda't talagang nag-aalangan itong magbayad. Sa awa ko sa matanda, hindi na nag-atubili pang sagutin ang pamasahe nito. Nag-uumapaw talaga ang pagkahabag ko sa matanda pagkat mag-isa lamang itong bumibiyahe kaya pagkababa sa may Novaliches Bayan ay sinamahan ko pa ito sa paglalakad. Pupuntahan daw niya ang anak sa San Bartolome sabi nito at gawa na uugod-ugod itong maglakad at sa awa ko talaga, walang ano-anong sinamahan ito patungo roon. Balak ko pa sana siyang samahan hanggang sa makarating sa mismong bahay ng kanyang anak pagkat nag-aalala ako, kaso hindi na ito nagpasama pa at sa hanggang SM Novaliches ko lamang siya nasamahan. Diyos na ang bahala sa matanda't nawa'y palagi niya itong gabayan at protektahan. Ang gaan sa loob kapag may kapwa kang natutulungan at pakiwaring pagpapalain ka. Kahit hindi pa bumabalik ang kagandahang loob sa matanda, nagpapasalamat na sa Maykapal pagkat sa kabila na may pag-uugali akong hindi kaaya-aya gaya ng pagsagot sa magulang at mapagtanim ng galit sa kapwa, may kakayahan pala akong magmalasakit nang husto sa mga taong nangangailangan ng walang hinihinging kapalit at pinagkalooban ako ng ginintuang puso. Sana nga'y magtuloy-tuloy itong aking gawain. Pumunta man ako sa wala, hindi naman nadidismaya pagkat umaasang darating ang bagay na mas higit kaysa sa aking inaasahan, manalig lamang at maging kalugod-lugod sa paningin ng Diyos. Kinahapunan nang puntahan ako nina Sister Claire at Pastora Leah para sa aming Worship. Iilan lamang kami ang nagsipagdalo subalit hindi na mahalaga iyon pagkat may karagdagang kaalaman naman maiimbak sa isipan na maaring makatulong sa buhay, ang salita ng Diyos. Matapos ang worship at bible study at dahil wala pang balak umuwi, tumungo muna ako kina Regine. Umalis na pala si Annie subalit naroroon naman si Gelyn na may pinagkakaabalahan kaya hindi muna ito kinausap pa't kina Ate Bing ako nakipagkwentuhan. Masaya talaga ako kapag may kapalitan ng kuro-kuro at nailalabas kung ano ang nasa loob. Sa sayang manatili sa kanila, inabot na ko ng gabi't panay aya ang barkada nina Kuya Jun sa akin na uminom ng alak. Dahil pinalaki akong hindi palainom, naging pahirapan sa kanila ang makumbinsi ako't hanggang lasap-lasap lamang at hindi makayang ubusin ang isang bote ng alak subalit itong si Gelyn tila dinaig pa ang barako kung makalagok. Maya-maya pa'y pumasok na kami ni Gelyn sa bahay at laughtrip kami habang naglolokohan kasama sina Regine at Ate Sheryl. Sa saya na sa kanilang bahay ko lamang muli nasumpungan, parang hindi ko na ibig pang umuwi't gusto ay sa kanila na matulog. Lumalalim na ang gabi't dahil di ko naman ugaling maging lakwatsera sa magdamag, napagpasyahan nang umuwi, labag man sa kalooban. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil naging makabuluhan at punong-puno ng saya ang araw na ito sa akin.    

February 03, 2019
Sunday

Year VII-034

Muling pumasaakin ang panibagong umaga at sa lamig ng panahon, tinatamad tuloy bumangon. Pagkaalmusal at dahil Linggo nanaman at araw ng paglalaan ng oras sa panginoon, daglian na kong nagbihis. Habang aligaga sa pagbibihis ang siya namang pagdating ng aming mga kamag-anak galing Cagayan na sina Auntie Nelly at Ate Madelyn. Naghumindig bigla ang kagalakan sa dibdib nang ayaing sumama sa kanilang pag-uwi sa Cagayan pagkat simula pa lamang talaga bata ako’y hindi pa ko nakakaapak sa probinsyang pinanggalingan ni Mama at matagal ko nang pinapangarap iyon. Kahit magkahalong sabik at galak na ang umiiral sa dibdib ay nag-aalangan pa rin kung sasama ba ako pagkat pamasahe pa’t may balakin ako kinabukasan subalit nang sabihin nina Auntie Nelly na sila ang sasagot ng pamasahe ko, hindi na nakahinde pa’t panahon na marahil upang makapunta roon at makilala ang iba pang mga kamag-anak sa Cagayan kaya pumayag na ko. Bago tumungo sa Church ay pinuntahan ko muna si Regine (Miano) upang ayain ito na magsimba. Saktong abala ito sa ginagawa nang aking datnan kaya napanghinaan ng loob na ayain subalit sinubukan ko pa rin. Mukhang malabo nang makakadalo ito kaya hindi na kinulit-kulit pa at umalis na lamang ako. Habang may iba pang kaanib akong inaabangan sa Recrap ang biglang pagdating ni Sister Claire at sinamahan ito sa pagbabahay-bahay at manghikayat ng mga kaanib. Saktong may naaya naman kami at magkasama nang nagtungo sa kanilang bahay sambahan. Pagkatungtong ng Church ay nagsisimula na ang bible study at sa halip na kanilang Pastor ang nagtuturo ay ang asawa nito kaya lalo akong ginanahang makinig at di ko mawari kung bakit nagiging kumportable ang pakiramdam kapag babae ang nangunguna sa aming bible study. Patungkol sa paglago ang tinalakay sa amin na kung saan kailangan Espiritwal ang unahin kaysa Pisikal sa pagpapalago’t dami talagang detalye ang naikintal sa aking isipan. Tumagal ang bible study ng higit sa dalawang oras at pagkatapos ay sama-sama kaming kumain ng Ostia at uminom ng red juice bilang simbolo na tinatanggap namin ng buong loob ang Panginoon. Sumunod na kaganapan ay tumungo ang ilan sa amin sa harapan kabilang ako upang i-lay hands at habang sumasailalim sa ganung ritwal ay doon naramdaman na parang gumagaan ang nasa loob at tila lilipad na nga na hanggang ngayon ay hindi magawang unawain ng isip. Bago umuwi ang bawat isa sa amin ay nagkaroon muna ng pagtitipon lahat ng sasalang sa Life Class kabilang ako at inilahad ni Sister Mary Anne ang mga gagawin oras na lumagay na kami sa ganung training. Hindi ko lubos malaman kung paano napunta sa ganung sitwasyon na dati’y wala sa aking balak basta ang masasabi lamang ay masaya ako sa aking ginagawa’t natutuwa ang Panginoon. Bandang Alas-tres nang magsimula ang aming Life Class at dahil nasa Pre-encounter pa lamang kami at wala pa sa School Leader, pahapyaw lamang ang itinuro sa amin ni Sister Lorraine at ang sarap talaga kapag nakakakinig ka ng salita ng Diyos at para bang pinalalakas nito ang loob mo. Masaya din ang Life Class dahil marami kang makikilala’t bagong magiging kaibigan.                         

February 04, 2019
Monday

Year VII-035

Dala ng pagkasabik sa dibdib pagkat ngayong araw na ang tulak namin patungong Cagayan na siyang matagal ko na talagang pinapangarap, hindi naging masarap ang tulog ko subalit ayos lamang. Nag-uumapaw ang kagalakan dahil hindi akalaing makakatungtong na ko sa Cagayan. Pagkabangon at almusal, dala na hindi na magkandamayaw ang pagkasabik ay daglian na kong nag-impake ng mga damit at lahat ng mga gamit kakailanganin sa isang linggo kong pananatili sa Cagayan. Walang ibang mabigkas ang nasa isipan kundi “Sa wakas, makakatungtong na rin sa Cagayan at makikita na ang mga kamag-anak doon.” Bandang tanghali at kasama sina Auntie Nelly at Ate Madelyn nang lisanin namin ang tahanan. Pagkatungtong sa may terminal ng Florida doon sa Sampaloc, Manila, kinailangan pa namin maghintay ng tatlong oras pagkat mga Alas-tres pa ang biyahe patungong Santa Teresita, kung saan ipinanganak at lumaki sina Mama. Matagal man, di naman magawang mainip pagkat mas nangingibabaw talaga sa puso ang pagkasabik at tamang usap-usap lamang kina Auntie Nelly at kamustahan. Pagpatak ng Alas-tres ng hapon nang sa wakas ay umusad ang bus at sa pagsisimula ng aming biyahe ay may isang babae ang umakyat at nagbahagi ng salita ng Diyos. Sadyang mahal ako ng Diyos dahil napagtanto ko habang nakikinig sa babae na kasama ko siya sa aming biyahe. Ang kagandahan sa Florida Bus na aming sinakyan ay hindi ito gaya ng mga bus na walang Comfort Room at hindi mo na kailangan pang mag-panic o kabahan oras na maabutan ka at pwede magbawas anumang oras na naisin mo. Habang lulan ng bus ay walang ibang ginawa kundi lumingon sa daanang aming binabagtas at pagkatungtong sa may Candaba Bridge, animoy lumilipad kami at parang nasa ibabaw ng mga palayan at ilog na aming binabagtas. Sa bilis ng biyahe, isang oras pa lamang ang nakakaraan ay nakatungtong na kami sa Pampanga at habang nasa terminal ay may isang lalaki naman ang umakyat. Nangaral din ito ng word of God at sa puntong iyon ay napapaisip ako na nagpaparamdam nga sa akin ang Panginoon at ipinakitang poprotektahan sa mahaba-haba naming biyahe kaya wala nang dahilan para hindi mapanatag. Pagkatungtong naman sa SCTEX ay doon ko pa nasilayan ang iba’t ibang magagandang tanawin, masisilayin din ang Bulkang Pinatubo na tila sumusunod sa’yo. Pagkatungtong namin sa may Gerona, Tarlac ay bumaba muna kaming lahat na mga pasahero upang maghapunan at malamnan ang Sikmura ng husay pagkat magdamagang biyahe ito, sa layo ba naman ng Cagayan. Alas-sais at papapikit pa lamang ang liwanag ay tulog na ang karamihan sa mga kasamahang pasahero kabilang sina Auntie Nelly subalit heto pa rin ako nananatiling dilat at pinagmamasdan ang lansangan. Dahil apat na oras na kaming nakatengga sa bus, nanunuot na ang lamig sa katawan at sumasakit na rin ang ulo subalit tiniis ko at sige pa rin sa pagsulyap kahit balot na ng dilim ang kapaligiran. Ganito pala ang dadanasin mo sa mahabang biyahe, pangangatog dulot ng ginaw at kailangan mong magbaon ng makapal na kumot at maraming pagkain para hindi gutumin. Bandang Alas-nuebe nang makatungtong kami sa Dalton Pass sa may Santa Fe, Nueva Viscaya na kung saan pa-zigzag ang daanan at sa bawat pagliko ng bus ay para kaming umiikot ng paulit-ulit at nakakahilo. Bukod sa pa-zigzag ay unti-unti rin kaming umaangat at para bang inaakyat ang kabundukan. Lalo pa kong nahumaling pagkat ngayon lamang nakadaan sa ganong klaseng daanan kaya inigtingan ko ang paglingon at ang ganda rin ng mga view dahil gabi at makikita mo ang daan na inyong pinanggalingan. Alas-dyis na, gustuhin ko man matulog na subalit hindi magawa pagkat maginaw at nadi-distract ang mata ko sa mga street lights.                        

February 05, 2019
Tuesday

Year VII-036

Ganap nang sumapit ang hating-gabi at himbing na sa pagtulog ang lahat ng mga pasahero maliban sa akin na nanatiling dilat at pinagmamasdan ang daanan. Nasa Isabela na kami ng mga oras na iyon at sa lawak ba naman ng probinsyang iyon, pangalawa sa pinakamalawak na probinsya sa buong bansa, aabutin pa marahil ng apat o limang oras bago kami tuluyang makatungtong sa Cagayan. Dahil hindi nakapagdala ng kumot, nagtiyaga na lamang ako sa twalyang ibinigay ni Auntie Nelly bilang saplot sa katawan at sa totoo lamang, hindi pala biro ang biyahe patungong Cagayan pagkat lakas ng katawan at mahabang pasensiya ang iyong kailangan. Sa lamig ba naman sa loob ng bus ay nanaisin mo nang bumaba at sumakay na lamang ng eroplano para madali na lang ang biyahe, kaso hindi maaari. Sadyang napakahaba ng biyahe at sampung oras na ang nakakaraan subalit malayo pa rin kami sa aming destinasyon. Bandang Ala-una nang tuluyan na kaming makatungtong sa Cagayan subalit hindi pa roon ang bayan nina Mama at tatlong oras pa ang titiisin. Kung ako na halos mabaliw na sa pagkangatog at sumasakit na rin ang ulo, paano na kaya ang Driver na maghapon at magdamag nang dilat ang mata, maipagmaneho lamang kami at kung iisipin ay hindi nga biro ang kanilang trabaho, tapos kung kailan holiday na dapat sana ilalaan nila ang oras para sa mga pamilya, doon pa sila pinakakailangan. Kahit masasabing bus driver lamang sila, saludo pa rin ako sa katatagan at tiyaga na ipinamamalas nila at maituturing din silang bayani. Sa tulin magpatakbo ng bus driver, bandang Alas-tres nang sa wakas ay makarating na kami sa Santa Teresita, mas maaga kaysa sa inaasahan. Pagkatungtong sa mismong bahay ng Auntie Nelly, manlaki ang mata sa gulat pagkat malaki at malamansyon pa. Nakatira rin sa bahay na iyon ang aking lola na si Inang Baket subalit sayang lamang at wala sa bahay ang anak ni Auntie Nelly na si Arjay pagkat nasa abroad daw ito. Ibig ko sanang makipagpalitan ng kuro-kuro sa kanila, kaso hindi naman magawa pagkat sadyang naninibago ako at out of place din pagkat Ilokano ang kanilang wika at hindi maunawaang lubos kung ano ang tinuturan. Kahit may pagkabalisa’t nahihiya ay nagawa pa ring makipagkilala sa mga Tiyahin at Tiyuhin ko maging sa iba ko pang kaanak na naroroon na ang ilan ay pamangkin ko na. Dahil napagod sa napakahabang biyahe, pagkalapag ng mga gamit at bihis ay diretso na ko sa pagtulog. Masarap pa sana ang tulog ko nang magising dahil sa mga pamangkin ko na maiingay at panay palitan ng salita na hindi ko naman maintindihan. Mistulan tuloy akong banyaga sa kanilang lugar pagkat ako lamang ang hindi nakakaunawa sa dayalektong ginagamit nila subalit hindi maglalaon ay kasasanayan ko rin. Saktong Alas-siete na pala ng umaga kaya daglian nang bumangon at pagkaalmusal, isinama ako ni Auntie Nelly sa kanilang palengke. Pagkatungtong ay anong ganda at lawak ng palengke ng kanilang bayan at habang namimili’y marami akong nakitang mga ibinebenta na ngayon lamang nakita at wala sa Maynila gaya ng Gaka na aakalain mong bato lamang na maliliit na pwedeng ipanglaro sa Sungka subalit hindi mo alam ay may makakain pala sa loob nito. Nagpatuloy kami ng Auntie Nelly sa pamimili at mga dakong Alas-otso na bumalik sa bahay bitbit ang iba’t ibang mga prutas at gulay na ang ilan ay baguhan lamang sa paningin. Pagkalapag ng mga pinamili’y naisipan kong maglibot-libot at habang ipinipihit ang yapak saanman naisin ng isip ay walang ibang makita kundi mga malalawak na palayan na nakapalibot sa kanilang village at mahalina ako sa ganda, kitang-kita rin ang bulubundukin ng Sierra Madre at nang makarating sa pook tambayan ay huminto muna ako’t ipinagpatuloy pagmasdan ang natatanging ganda ng tanawin na sa kanilang probinsya lamang matatagpuan at sarap kuhaan ng litrato’t sabay upload sa mga Social Media. Kinahapunan at dahil hilig ko talaga ang mag-explore, kasama ang mga pamangkin ay naggagala-gala kami hanggang sa makarating sa sinasabi nilang Amianan. Habang naroroon at pauli-uli’y may isang ale ang nakaupo’t daig pa ang barako kung makahithit ng tabako, nalingat siya sa akin at nagtanong. Nang makapagkilala at kausapin siya, hindi akalaing pamangkin pala nito si Mama. May kalayuan na ang Amianan mula sa bahay ng Auntie Nelly at kung saan dati nakatira si Mama subalit hindi akalaing may kamag-anak pa kami roon. Siya si Lola Reming at bukod sa kanya’y nakilala ko pa ang ibang kamag-anak at nakakatuwa lamang pagkat hindi akalaing sa buong village na kinalakihan nina Mama, kamag-anak ko pala ang halos lahat sa mga taong naninirahan. Dahil medyo nasarapan sa paggala kahit bagong salta lamang, pahingalo na rin ang liwanag nang makauwi kami. Sa pagsapit ng gabi ay naramdaman kong naiiba ang Cagayan pagkat hindi ito gaya sa Maynila na nuknukan sa ingay at nakakabingi na ang katahimikan, wala ka na ring makikitang mga tambay at maagang natutulog ang mga tao roon. Tila kay sarap nga tumira sa ganong klaseng lugar at makakapag-isip ka ng maayos. Kung anuman ang mayroon sa kanila’y sana ay ganon din sa amin.                              

February 06, 2019
Wednesday

Year VII-037

Panibagong araw na kakaharapin nang pananatili ko sa Cagayan. Naiiba lamang ang klima sa Cagayan pagkat mas malamig kung ikukumpara sa lugar na kinalakihan, kaya wala pang balak bumangon at gusto ay humilata pa ng husay subalit tanghali na’t gising na ang mga kasamahang kaanak sa bahay, nakakahiya naman kung sila pa mismo ang mangungulit upang bumangon kaya bumangon na ko. Pagkamumog ay kaagad na kong lumabas at naisipang mag-jogging. Umaga pa lamang, subalit tamang lakwatsa muli ako’t libot-libot. Sa ganda ba naman ng kanilang lugar ay sino ang hindi maiiwasan ang mamasyal at marami ka talagang makikitang magagandang tanawin. Kung ikukumpara sa Batangas, hindi ito gaya ng lugar na kung saan tago ang aming bahay at sa halip na puro gubat ay puro palayan ang matatanaw, may iba’t iba rin hayop ang masisilayan gaya ng mga baka at kalabaw. Bukod pa roon ay puro mayayaman at may kaya ang nakatira at hindi layo-layo ang mga bahay, hindi rin naman dikit-dikit. Hindi tulad sa Batangas na magkakalayo ang mga bahay at para bang wala kang kapit-bahay kundi mga puno. Sa ganda ng Cagayan, parang ibig ko nang manuluyan muna roon ng isang buwan o kahit doon na ko tumira. Hindi bale at kapag nagkapera, magpapatayo ako ng bahay at doon na maninirahan, matutupad iyon, tiwala lang. Habang naglalakad pabalik ng bahay ay saktong nakasalubong ko si Auntie Wilma na abala sa pagpapataya ng Loteng at magkasamang tuwa at sabik ang namayani sa dibdib nang sabihin nitong ipupunta niya ko sa iba pa naming kamag-anak sa Gonzaga. Sa bahay ng anak nitong si Ate Kristel kami tutungo at kahit sa kabilang bayan lamang sila naninirahan, inabot pa rin ng isang oras bago kami nakatungtong sa kanila. Saktong naroroon si Ate Kristel at iba pa nitong kasamahan sa bahay na abalang-abala sa ginagawa’t dagliang nakipagkilala sa kanila. Nahihiya man ng lagay pagkat ngayon ko lamang sila nakilala’y lakas loob pa ring nakisama kahit madalas ay out of place kapag nag-uusap-usap sila dahil Ilokano ang wika nila. Mabait naman si Ate Kristel at makwelang kasama, kahit hindi na ito kasing edad at may tatlo nang anak. Maya-maya pa’t gawa ng pagkabagot ay naisipan ko munang lumabas at magpagala-gala kahit katirikan ang araw hanggang sa marating ang kanilang dalampasigan. Nag-uumapaw ang pagkamangha sa mata habang pinagmamasdan ang dagat. Ibig ko sanang maligo’t magtampisaw, hindi nga lang magawa pagkat walang naliligo at wala halos katao-tao, hindi gaya sa Laiya, Batangas na kahit hindi panahon ng bakasyon, marami pa rin ang naliligo, marami ring mga nakatayong resort. Sa ganda ng dagat na tila langit sa kabughawan, nanatili muna ako roon at talaga namang humahampas ang sariwang hangin sa balat at sarap mahimlay, makakapag-isip ka pa ng maayos. Isang oras din ang pinalipas ko bago bumalik sa bahay ng Ate Kristel. Mga bandang hapon nang mapagpasyahan namin ng Auntie Wilma na umuwi. Gawa ng pagod sa nilayo-layo ng biyahe, daglian akong nagpahinga. Walang magawa at bilang pampalipas oras, tamang kwentuhan lang sa pinsan kong si Ate Lovely at kulitan na rin sa mga anak nito aking pamangkin. Sabihin nating kuripot ang mga Ilocano subalit may ugali naman silang kaaya-aya at iyon ay pagiging palakaibigan at marunong makisama sa kahit na sino, kahit taga ibang ibayo pa gaya ko. Kasabay ng pagkagat ng dilim ang paghahari muli ng katahimikan sa kanilang lugar pagkat maagang nagsisipagtulog ang karamihan sa mga tao, mukhang hindi na kakailanganin pang magpatupad ng curfew pagkat disiplinado ang mga kabataan.                      

February 07, 2019
Thursday

Year VII-038

February 08, 2019
Friday

Year VII-039

February 09, 2019
Saturday

Year VII-040

February 10, 2019
Sunday

Year VII-041

February 11, 2019
Monday

Year VII-042

February 12, 2019
Tuesday

Year VII-043

February 13, 2019
Wednesday

Year VII-044

Alas-dos ng madaling-araw nang ako'y magising pagkat muling dinadalaw ng sipon. Nag-uumapaw pa talaga ang antok sa mga mata na tipong ibig na matulog, kaso hindi magawa pagkat panay ang singa, panay din ang aking bahing. Pakiwaring sasamain nanaman ng lagay pagkat walang humpay ang paglabas ng uhog subalit humupa naman kalaunan. Gawa na naputol ang tulog kinamadaling-araw, bandang Alas-otso na nagising. Diretso gawaing bahay ako matapos mag-almusal. Habang nagwawalis at kakwentuhan si Mama, inandaran muli ako ng pagkaimbyerna nang biglang sumabat ang ate na parang ipinapalabas na wala raw akong naitutulong sa kanila at puro sarili lamang ang iniisip. Hindi ko na makaya pang pigilan ang hinanakit na dala-dala ng kalooban buhat ng sabunin ako ng Tita Cleo kaya tahasan ko nang ibinulalas sa kanila ang sama ng loob at lahat ng sinabi sa akin ng Tita. Nasasaktan lamang ako sa kanilang ipinapakita sapagkat balewala rin pala ang mga tulong na naipamalas ko sa kanila gaya ng isinakripisyo ko ang pagbabakasyon sa Cagayan, makapagpa-check up lamang sina Papa. Batid kong hindi ganon kalaki ang naitutulong ko sa kanila gaya ng naibibigay na tulong ng ate subalit huwag naman ipamukha na wala talagang naitutulong. Palibhasa ay hindi sila marunong mag-appreciate ng mga tulong na galing sa akin kaya pakiramdam nila'y hindi ako maasahan at doon talaga ako pinakanasasaktan! Sa yamot ko talaga, hindi na napigilan pang makipagsagutan kay ate't malabo na ngang maibalik sa dati ang maayos naming samahan magkapatid dahil may taglay itong ugali na hindi ko talaga lubos na matanggap at masyado niya kong nahuhusgahan sa mga bagay na hindi naman talaga ako. Tingin niya sa akin, walang kwentang kapatid at pabigat sa pamilya, di porket wala akong trabaho'y nagagawa na niyang tratuhin ng ganon-ganon na lamang, samantalang nung panahong nangangailangan siya ng tulong mula sa akin, hindi naman ako nagdalawang isip na tumanggi, tapos ganon pa rin ang maririnig mula sa kanya, nakaka-disappointed! Dami niyang Hanash! Dala ng pagkayamot ko sa kanya, pinag-igihan ko pa lalo ang pagwawalis at pagpupunas sa loob ng bahay nang wala naman siyang masabi at mapatunayan na mali ang pag-aakalang hindi ako maaasahan! Kinahapunan at ibig ko man ang maglakwatsa't dayuhin ang bahay ng mga kaibigan subalit pinili na lamang na manatili sa bahay at tulungan sina Mama sa pag-aalaga kay Anya maging na rin sa mga gawain sa bahay.  Kinagabihan, anong ingay talaga sa lugar namin pagkat naglipana muli ang mga maiingay na tambay at malalanding kababaihan, hindi tuloy makapag-concentrate sa pagsusulat ng kwento. Gawa na inaantok na ng lagay, maaga akong natulog.        

February 14, 2019
Thursday
(Valentine’s Day)
Year VII-045

Akalain mo nga naman ang panahon, araw nanaman pala ng mga puso subalit hanggang ngayon ay nanatili pa ring single at hindi pa nakikilala ang taong nakalaan para sa akin. Kailan ko kaya siya makikilala’t kung hindi pa talaga panahon na makilala ang taong iyon, ayos lamang pagkat may tamang panahon para diyan, hindi ako maiinip. Dama muli ng katawang lupa ang malamig na panahon kaya tinatamad muling bumangon, ibig pa talagang magbuhay prinsesa ng lagay subalit baka makarinig muli ng hindi maganda mula kina ina at ipamukhang walang kwentang tao kaya bumangon na ko. Pagkaalmusal at kahit Valentine’s day, wala pa ring pinagkaiba ang araw na ito sa akin na normal at ilalaan ang oras sa paglilinis ng bahay. Kaagad din naman akong natapos sa gawaing bahay.      

February 15, 2019
Friday

Year VII-046

February 16, 2019
Saturday

Year VII-047

February 17, 2019
Sunday

Year VII-048

February 18, 2019
Monday

Year VII-049

February 19, 2019
Tuesday

Year VII-050

February 20, 2019
Wednesday

Year VII-051

February 21, 2019
Thursday

Year VII-052

February 22, 2019
Friday

Year VII-053

February 23, 2019
Saturday

Year VII-054

February 24, 2019
Sunday

Year VII-055

February 25, 2019
Monday
(People Power Revolution)
Year VII-056

February 26, 2019
Tuesday

Year VII-057

February 27, 2019
Wednesday

Year VII-058

February 28, 2019
Thursday

Year VII-059



Miyerkules, Enero 2, 2019

73. January 2019 Journal

January 01, 2019
Tuesday

(New Year’s Day)
Year VII-001

13E-I. Walang ibang makita sa kalangitan kundi mga makukulay at nagliliwanag na Fireworks Display, hudyat na sumapit na ang Bagong Taon. Mga pailaw na sabay-sabay na sinisindihan gaya ng mga Fountain at Luces sa halip na mga nakakagulantang na labintador at wala na rin ibang marinig kundi mga paugong ng torotot kaya halos marindi na sa ingay. Hindi na nga magkandamayaw ang mga bawat isa sa amin habang sama-samang sinasalubong ang papasok na taong 2019 at mas lalo pang nagiging wild lalo na ang mga kabataan na mistulang nakatira ng droga kung magsisigaw-sigaw at lundag, maigi na lamang at hindi na nila pinagsisipa ang gate. Magulo man ang pagsalubong sa Bagong Taon gaya nitong nakaraang taon at saktong bumuhos pa ang ulan, nanatili pa ring masaya at punong-puno ng pag-asang magiging mas maganda ang buhay ngayong taon. Kapansin-pansin kakaunti lamang ang mga paputok at kakabitin pagkat kaagad na natapos ang putukan.

13E-J. Magkahalong saya at pasasalamat ang nararamdaman pagkat nakaabot sa ganitong taon, kahit maraming hindi magagandang pangyayari at yung ilan ay kalunos-lunos pa nga nitong nagdaang taon. Matapos manuod ng Fireworks display, nagsalo-salo naman kami para sa Media Noche. Kahit tapos na ang pagsalubong, nanatili pa ring maingay ang kapaligiran dahil sa mga tugtog ng kapit-bahay, hindi tuloy ako makatulog ng maayos. Dulot ng magdamagang pagpupuyat, bandang Alas-otso nang magising at naisipang bumangon. Mga handa nitong nagdaang Media Noche ang naging agahan ko at sa dami ng nakain na nagkahalo-halo na nga, mukhang isang buwan akong hindi kakain nito. Dahil Bagong Taon at minsan lamang ito sa isang taon, walang ibang ginawa kundi magpakabusog sa pagbanat ng mga handa. Sumapit na ang 2019 subalit nanatili pa ring walang trabaho at palamunin sa bahay. Hindi ko na tuloy maiwasan ang mangamba sa kung anong mangyayari at kakaharapin sa buong taong ito subalit nasasabik pa rin.

13E-K. Nawa'y maging kalugod-lugod nga sa akin ang 2019 at puro pagpapala ang maranasan, kung maharap man sa mga pagsubok, sana bigyan pa ko ng Diyos ng lakas upang mas lalo pang maging matatag. Matapos mag-almusal at gawa na nababagot ng lagay, naisipan ko muling dayuhin ang bahay nina Regine. Ang kagabing nagsasaya silang magkakamag-anak sa kainan at inuman habang sinasalubong ang Bagong Taon, kasalungat naman ngayong umaga pagkat abalang-abala naman sila sa paglilinis ng bahay at tulong-tulong. Sa kabila na may pinagkakabalahan sina Annie at Gelyn, hindi naman nila ipinagkait ang oras upang makakwentuhan ako. Maya-maya, itong si Gelyn, biglang nag-aya na uminom ng wine. Hindi ko talagang ugali ang uminom ng alak subalit dahil wine naman at hindi alak pangbarako, nakitagay pa rin ako sa kanila at in fairness, hindi ito nakakasamid gaya nung bumisita ako kina Auntie Bagting subalit parang nagliliyab ang dibdib sa init kaya nakaisang baso lamang ako.

13E-L. Dahil baka kailanganin sa bahay, nagpaalam muna sa kanila. Pagkapanuod ng telebisyon, magandang balita ang bumungad pagkat bumaba na ang bilang ng mga naputukan subalit hindi pa rin dapat ikatuwa pagkat may mga nabiktima pa rin at mapuputulan pa ng daliri. Kahit ilang ulit ang ginagawang pangangampanya ng DOH sa paggamit ng mga paputok ay hindi pa rin maiwasan ang may mabiktima, paano'y karamihan sa mga nagpapaputok ay mga iresponsable at yung ilan pa nga, nakainom at pasikat. Hangga't may mga pasaway at hindi natututo sa mga paala-ala, may madidisgrasya pa rin sa tuwing sasalubungin ang Bagong Taon. Matutulog na sana ako subalit anong alinsangan ng panahon at nagugulantang pa sa mga nagpapaputok.  Pagpatak ng hapon at dala na nakakabagot ang manatili sa bahay, bumalik ako kina Regine. Bukod kina Annie ay saktong naroroon din si Berna, kaya lalo akong ginanahang makipagkwentuhan sa kanila at nakipagkamusta na rin sa kanya, sa tagal ng panahong hindi kami nagkikita.

13E-M. Maya-maya, itong sina Annie at Gelyn ay biglang nag-aya na magtungo sa sapa at anong saya habang inilublob ang paa sa tubig at nagbabasaan pa na parang bata kahit batid namin na marumi ang sapa ay wala nang pakialam. Dahil anumang oras ay babalik na sila sa Tandang Sora, nagpaalam na ko sa kanila. Kung kailan naghihingalo na ang liwanag ang pagsama pa lalo ng pakiramdam pagkat inuubo at sinisipon. Kinagabihan at kahit hindi na gaya ng nagdaang gabi ang ingay sa kapaligiran para salubungin ang Bagong Taon, hindi pa rin makatulog dulot na maya’t maya ang pag-ubo na parang kumakahol na aso. Para kahit paano’y makatulog, gumawa na lamang ako ng paraan.    


January 02, 2019
Wednesday

Year VII-002

13E-N. Pangalawang araw para sa kakapasok pa lamang na taon. Nagnunumingning na ang sinag ng araw sa labas nang ako’y magising. Kahit tila nakangiti sa akin ang araw at damang-dama ang pagiging maaliwalas na panahon ay hindi pa rin naging ganong kaganda ang dating ng umaga pagkat hindi pa rin nilulubayan ng ubo at patuloy pa nga. Kahit inuubo at sinisipon ay ginampanan ko pa rin ang gawaing bahay upang iwas pagkabagot at nagwalis-walis kahit maaring lumala ang kalagayan oras na makalanghap ng alikabok. Sumapit man ang panibagong taon ay wala pa ring pagbabago kay Papa na negatibo mag-isip gaya nung nakaraang taon at nag-aalala sa mga bagay na hindi naman dapat ipag-alala. Hindi ko lubos mawari kung bakit nagkakaganon si Papa, takot na takot na tila may mang-aano sa kanya at hindi nito maiwasang mag-isip ng mga hindi magagandang bagay.

13E-O. Parang gumugunita lamang sa pangyayaring hindi namin sukat akalain pagkat sa pagkakatanda ko ay ganitong araw din nung may sakit si Mama na hindi makatulog dulot na kinakabugan ito ng kaba at nag-aalala, ngayong maayos-ayos na si Mama, si Papa naman ang pumalit at kahit maraming beses nang pinapayuhan, nanatili pa rin itong Nega at isip nang isip ng mga bagay nagdudulot sa kanya ng stress. Kung anong problema ang kinaharap namin nitong nakaraang taon na labis na nagbibigay dilim sa buhay, nagpapatuloy ngayong taon at tila hindi na nga matapos-tapos ang problema. Hanggang kailan kaya magiging ganito at gaya ng sinabi ko, nawa’y bigyan ng Diyos ng lakas ng loob upang makayang lampasan ito, kahit gaano pa man katagal. Napapaisip na tuloy kung dapat na bang dalhin si Papa sa Psychologist o Psychiatrist dahil nitong mga nakalipas na buwan ay masyado na siyang matatakutin at minsan ay tila nawawala na sa sarili kung ito’y umungol habang natutulog na tila nanaginip ng hindi maganda.

13E-P. Sa totoo lamang ay awang-awa na kay Papa pagkat tila nade-depress na ito, nagkasabay-sabay ba namang dumating ang problema sa kanya na bukod sa hindi nito makuha-kuha ang retirement fee, nagkaroon pa ng Katarata sa mata at na-diagnose na may Tuberculosis. Isa pa sa nagbibigay stress kay Papa ang pagkakaroon ko ng ubo’t sipon na hindi naman maiwasan, kaya naman lugmok na lugmok na. Sumidhi pa lalo ang stress na dinaranas ni Papa nang may mangyari kay Anya na hindi kanais-nais. Nung una’y nakaramdam din ng pag-aalala nang magpanik ang ate at paspasang pinapasuka pagkat may nilunok itong hindi dapat subalit nang malamang palay lamang pala na nakasabit sa may pintuan bilang pampasuwerte, parang ibig kong matawa sa naging reaksyon ni Papa pagkat napaka-OA at mas worry pa nga siya kumpara kay ate na relax lamang at panay sa pagpapadede kay Anya, hindi rin makapag-move-on, masyadong bini-big deal ang mga bagay ultimo maliliit at simple lamang.

13E-Q. Talagang iba na si Papa subalit kahit na ganon ay huwag sanang humantong na maging siya, iisipin nang wakasan ang buhay, gaya ng ginawa ni Mama at hanggang panahong ito’y sariwa pa rin sa isipan ang pangyayaring iyon, hirap kaligtasan pero sinubukang ibaon na sa limot, maging hindi magagandang karanasang dumating sa aking buhay. Maging sa tanghali ay patuloy pa rin akong inuubo kaya itong si Papa, panay pangungulit na magpatingin na sa Doktor. Sa totoo lamang, hindi ko ibig ang magpa-check-up pagkat hindi na ibig pang gumastos sina ina, lalo na’t nanatili pa rin akong patengga-tengga sa bahay, subalit dahil tila lumalala na’t hindi na nadadaaan pa sa pag-inom-inom ng tubig, mukhang mapipilitan ako.

13E-R. Kinahapunan at sa kabila na kakahol-kahol ay naisipan pa ring lumabas upang magkumpyuter. May kadiliman na rin nang makaalpas muli ang yapak sa sariling tahanan at saktong naghahapunan na ang mga kasamahan sa bahay kay diretso na ko sa paglamon. Hindi pa madalaw ng antok at nuknukan muli sa ingay ang labas kaya tamang tutok lamang ang mata sa panunuod ng telebisyon, para iwas-stress at always Goodvibes kahit may suliraning hanggang ngayong ay nanunuluyan pa rin sa aming buhay. Marami man pagsubok ang dumaan, may our God help me to keep my heart strong.                               


January 03, 2019
Thursday

Year VII-003

13E-S. Maaga pa lamang ay bumangon na ko pagkat napagpasyahan nang magpa-check-up, sa kagustuhang gumaling na ng tuluyan at mawakasan na ang aking ubo at sipon na matagal-tagal na ring dinaranas. Bukod sa akin ay magpapatingin din si Papa upang makumpirma kung may Tuberculosis nga ba ito. Matapos mag-agahan ay diretso paghahanda at bihis na kami. Bandang Alas-nuebe nang makatungtong kami sa UST Hospital at saktong wala pa si Doctora Dacayan kaya naghintay pa kami. Nakaramdam ng pagkahabag subalit hindi maiwasan ang mainis kay Papa pagkat isip pa rin nang isip ng mga bagay na nagdudulot sa kanya ng stress at nakukuha pang umungot-ungot. Panay ang pagpapangaral at paliwanag ang ginawa ko sa kanya, nang sa ganon ay gumaan-gaan kahit papaano ang kanyang loob, kaso parang di naman ito nakikinig at sarili lamang nito ang pinapakinggan. Hindi ko na talaga alam ang gagawin sa kanya at unti-unti nang nauubos ang pasesnsiya subalit inunawa na lamang ito.

13E-T. Masyadong Nega at palaging iniisip na mahirap at wala nang pag-asa ang mga bagay-bagay sa Mundo kaya madaling pinanghihinaan ng loob. Sa kabila na panay pangaral ang ginawa kay Papa, hindi naman humantong sa diskusyon. Dahil may pinagkakaabalahan ang Doctora Dacayan, higit isang oras ang aming hinintay bago matawag at pagkaharap sa kanya, napapaisip kung ano nanaman klaseng gamot ang kanyang irereseta at hindi nga nagkamali sa akala pagkat makabutas-bulsa ang gamot na inireseta niya, nag-aalangan na tuloy bilhin. Lalo pa tuloy napagtatanto na mahirap ang buhay kapag nagkakasakit dahil puro gastos at ang pera sana na pangkain na lamang o panggastos na pangagailangan sa pang-araw-araw, napupunta pa sa pagpapagamot, hindi tuloy mapigilan ang makaramdam ng pagka-guilty at hanggang kailan ganito na kailangang umasa pa sa pera ng mga taong nagpalaki at nag-aruga sa akin, ang mga magulang. Marahil at kung may trabaho lamang ako, hindi na mangingimi pang isturbuhin sila sa gastos.

13E-U. Nakaka-guilty talaga ang mga pangyayari at kailangan ko nang magsumikap at maging madiskarte. Matapos akong tingnan ni Doctora Dacayan at dahil bago pa lamang si Papa, she made an interview for him first. Sa dami ng mga kailangang ipagawa ng Doktora kay Papa para malaman kung positibo ba talaga ito sa Tuberculosis, dagdag gastos nanaman kaya mababanaag na sa mukha ni Papa ang pagka-stress, subalit ganon talaga at kailangan gawin ang mga bagay na nakakapag-alangan sa ‘yong gawin, umayos lamang ang lahat. Bago umuwi'y tumungo pa kami ng Mercury Drugs upang bumili ng mga sangkaterbang gamot. Sa maladyamanteng presyo ng gamot, hindi kinaya ng pera kaya napagpasyahan kong huwag nang bilhin lahat. Habang nasa biyahe kami, biglang sinabi sa akin ni Papa na naiwan nito ang kanyang record.

13E-V. Kaya pala nung paalis kami'y kinukulit nito si Doctora Dacayan para bawiin ang record, na hindi naman nito binigay. Inakala kong record na kung saan itinatala ng doktora lahat ng impormasyon na nakakalap mula sa pasyente ang kinukuha ni Papa kaya hindi ito nagawang ipagtanggol subalit nang malamang referral record, kinabahan ako. Todo pag-iisip si Papa sa maaaring maging reaksyon ni Mama oras na malaman nitong naiwan namin sa doktora ang referral record subalit hindi naman naganap ang pinapangamba't sinabing pwede naman kuhain kapag follow up check-up na siya naman ikinagaan ng loob. Gawa na nagtitipid, matinding gutom ang inabot pagkauwi kaya diretso ako sa paglamon at matapos ay nagpahinga. Kinagabihan at dala na nababagot ng lagay, heto muli ako na abala sa pagsusulat ng kwento. Hindi pa talaga makatulog kaya nanuod muna ng telebisyon.           


January 04, 2019
Friday

Year VII-004

13E-W. Dahil may mahalagang lakad ngayong araw, maaga akong bumangon. Bagong Taon na subalit hindi pa rin tinatawagan mula sa Seneca Plaza, gaya ng ipinangako nila sa amin nung nakaraang buwan kaya naisipang magtungo room for follow up. Pagkarating ay nabulaga ako pagkat naroroon din si Lhea. Naghari ang inggit sa aking dibdib nang sabihin nitong sumasailalim na sila ng training kasama si Flor samantalang pending pa kami nina Abbie at matatapos na sila. Inalam ko ang dahilan kung bakit hindi pa natatawagan subalit hindi naman makausap ang HR pagkat masyado raw abala hanggang sa may isang empleyado ang lumapit sa akin at parang ninakawan ng lakas sa labis na pagkadismaya nang sabihin nitong hindi raw ako suitable sa ganong posisyon na aming inaplayan. Pilit kong inuunawa kung anuman ang kanilang desisyon subalit naiinis pagkat pinaasa lamang nila ako. Kung hindi talaga ako tanggap, dapat maaga pa lamang ay sinabi na nila, hindi yung kung ano-ano pang sinasabi nang sa ganon ay hindi na maghintay pa.

13E-X. Ang pinakaayawan ko pa naman ay yung pinapaasa sa wala at nakapanghinanakit ng loob! Umalis akong dala-dala ang panghihinayang at hindi na halos maipinta ang mukha subalit ganon talaga at ang tanging magagawa na lamang ay tanggapin ang kanilang hatol. I know this is not the end of my dreams, napagsarhan man ako ng isang pintuan, naniniwala pa ring marami pang mga pintuan ang handang magbukas para sa akin. Sa madaling sabi, marami pang opurtunidad ang naghihintay kaya nanatili pa ring punong-puno ng pag-asang makakahanap ng trabaho. Dulot ng pagkadismaya, gustong-gusto ko nang umuwi kaso mas nanaig pa rin ang aking prinsipyo at naisipan naman puntahan ang Sykes Corporation doon sa Mandaluyong pagkat may interview ako. Kahit may kalayuan at gastos pa sa pamasahe, hindi naman marahil masama ang magbakasakali.

13E-Y. Pagkababa ng Shaw Boulevard, kung kailan pasakay na ko patungo roon ay may biglang lumapit sa akin na mga head hunters. Batid kong Call Center lamang ang trabahong maiaalok nila sa akin kaya panay tanggi ako at gumawa ng paraan para maiwasan sila. Sadyang napakakulit nila at panay hikayat sa akin hanggang sa sabihan na hiring ang kumpanya nila para sa posisyon ng Office Staff na bale 20,000 daw ang sahod kada buwan. May kaunting pagdududa subalit wala naman masama kung susubukan kaya kumagat na ko at sumakay sa kanilang shuttle. Sa Alorica ako dinala ng kanilang shuttle subalit sa Magallanes kaya nag-aalangan kung makakapagtrabaho ba roon, lalo na't may kalayuan mula sa amin. Pagkatungtong sa mismong waiting area, tahasan kong kinausap ang kanilang recruiter patungkol sa application ng office staff.

13E-Z. Aalis na sana ako nang sabihin nitong wala silang vacant slot para sa ganung posisyon, pinigilan lamang ako ng kapwa aplikante at sinabing bakit di ko i-try ang call center. Nag-aalangan talaga ako kung ipagpapatuloy ba ang pag-a-apply para sa call center pagkat sa ilang ulit ba naman akong sumusubok, hindi talaga makuha-kuha subalit dahil determinado talagang magkaroon ng trabaho, kahit mukhang imposible ay sinubukan ko pa rin pagkat nagtitiwala sa kakayahang ipinagkaloob sa akin ng maykapal at iyon ang pinanghahawakan. Ilang sandali pa nang matawag ako para sa initial interview. Ni katiting na kaba'y hindi gumuhit sa aking dibdib nang sumalang sa interview at ang nakakatuwa dahil manakanaka lamang ang dating ng mga aplikante, sa halip na group ay one on one lamang.

13F-A. Sadyang mapangmata ang interviewer at istrikto pagkat bukod sa grammar ay tinitingnan din nito ang iyong pronunciation kaya ang resulta, initial interview pa lamang ay ligwak na ko. Naiinis lamang ako sa naging feedback ng interviewer nang sabihin nitong parang childish daw ako magsalita at napakaintrimitida kahit kalalaking tao. Muli man akong nabigo na magkaroon ng trabaho ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa at nararamdamang malapit nang makamit ang aking minimithi. Sa layo ng biniyahe at dahil hindi pa kumakain gawa na nagtitipid, diretso lamon pagkarating ng bahay.           


January 05, 2019
Saturday

Year VII-005


13F-B. Sabado nanaman pala, malapit nang magtapos ang maliligayang araw ng mga bakasyonista pagkat balik na sa normal sa darating na Lunes, maliban sa akin na hanggang ngayon ay nanatiling nakatengga sa bahay at umaasang magkakatrabaho. Habang wala pang trabaho ay gawaing bahay muna ang pinag-ukulan ko nang oras. Dala na hindi pa rin nilulubayan ng ubo’t sipon, hindi ako nagpakasasa sa pagwawalis at matapos ay pagsusulat muli ng kwento ang inatupag. Pagsapit ng hapon at dahil hindi na aabot pa ng isang linggo ang gamot na inireseta sa akin ni Doctora Dacayan, naisipang umalis ng bahay upang bumili. Sa kagustuhang maging abot kaya ang gamot ay sa Generika ko naisipang bumili kaso hindi naman lahat ng gamot ay nabili, sa kadahilanang hindi mabasa-basa ng Pharmacist kung ano ang nakasaad sa reseta, sa ganda ba naman kasi ng sulat ng aking doktora na talagang professional lamang ang makakaunawa at isang Shunga.

13F-C. Hindi ko man ito gusto subalit wala nang iba pang choice at sa Mercury drugs doon sa Ever Gotesco Mall na bumili ng gamot. Dahil sa pila ng mga Senior Citizen nakapila para makadiskwento gamit ang Senior slip book ni Papa, naging pahirapan ang pagpila pagkat napakahaba, napatagal tuloy ako’t mukhang aabutin ng pagputi ng uwak bago makabili. Ibig ko pa sanang maglamyerda pagkabali ng gamot, hindi naman hawak ang sariling pera at baka magalit sina ina kapag ginasta kaya minabuting umuwi na lamang. Kinagabihan at dahil wala muling maisipang gawin, panunuod ng Telebisyon ang libangan ko. Dahil matagal dapuan ng antok, inabot na ng hating-gabi sa pagtulog.              
 

January 06, 2019
Sunday

Year VII-006


13F-D. Unang Linggo para sa taong ito. Sa kasibaang matulog ay inumaga muli ako sa pagbangon. Sa aking paggising ay kakaibang sigla muli ang humahataw sa kalooban at tila nagniningning pa nga ito. Nang makapag-almusal ay daglian na kong nagbihis pagkat tutungo muli ngayong araw kina Tita Cleo upang kuhain ang ilan sa dala nilang mga pasalubong galing Batangas. Nakasama ko ang Papa sa pagtungo sa kanila at pagkatungtong ay saktong naroroon na sila na halatang kagagaling pa lamang sa biyahe pagkat mababanaag sa mukha ang pagkapagod ng bawat isa sa kanila. Nagkaroon muna ng kwentuhan bago kuhain ang mga iba’t ibang pasalubong at dahil wala ang Tita Susan, hindi ako gasinong kadaldal at maraming sinasabi. Hindi na rin kami nagtagal at nang makakuha ng ilan sa kanilang mga pasalubong ay kaagad nang nagpaalam.

13F-E. Sa dami muli ng mga dalang pasalubong na pawang mga gulay at prutas ay magkandaubos ang lakas habang kalong-kalong ng naglalakihang naming bisig, ang layo pa man din ng aming nilakad mula sa bahay nina Tita Cleo hanggang sa sakayan ng jeep kaya pagurang nakauwi ng bahay. Anong ginhawa sa pakiramdam pagkatungtong ng bahay at diretso hilata agad sa kama dulot ng pagod. Nang magkaroon ng sapat na kasiglahan, kahit katirikan ng araw kung umiihip naman ang malamig na simoy ng hangin ay tumungo ako ng Computer Shop upang asikasuhin ang mga requirements na dadalhin bukas pagkat magsisimula na ang training ko sa Sitel. Madilim-dilim na sa labas, oras na ng hapunan at kumakalam na rin ang sikmura subalit wala pang makain pagkat na kina Mama ang pambili ng ulam at sila na ang nagpresinta. Hindi ko maiwasan ang mayamot sa kanila pagkat sa mga oras na iyon ay hindi pa sila umuuwi at namumuti na ang mata sa kakahintay.

13F-F. Ilang sandali pa nang sa wakas ay umuwi na sila, masaya na sana ako pagkat matutuldukan na ang pagkalam ng Sikmura subalit lalong nadagdagan ang pagkaimbyerna nang sabihing naiwan ni Mama ang manok na gagamiting pangtinola sa tricycle. Sa halip na ibulalas ang hinanakit sa kanya pagkat matagal-tagal ko rin tiniis ang gutom, wala naman pala ay inunawa na lamang siya pagkat tao lamang ito, may mga oras na nagkakamali at nadadapa. Kung kailan nakabili na si Mama ng manok ay biglang dumating ang tsuper ng tricycle at dito ay isinauli niya ang manok, na siyang labis na ipinagpapasalamat at pagpalain nawa ang mga taong may kagandahang loob gaya niya ng Diyos. Tunay ngang kahit laganap ang kasamaan sa Mundo, may mga tao pa rin talagang mabubuti. Hindi pa madalaw-dalaw ng antok kaya tamang nuod lamang ng telebisyon. Dahil ugali ko talaga ang magpuyat, may kalaliman na ang gabi nang mapagpasyahang matulog.                


January 07, 2019
Monday

Year VII-007

13F-G. Walang ibang maramdaman kundi tuwa at pananabik pagkat ngayong araw na ang simula ng aking training sa Sitel. Kahit mamayang Alas-dos pa ang oras ng aming training ay maaga pa rin akong umalis pagkat may isang kumpanya ang nag-imbita sa akin para sa interview. Sa McWilson doon sa may Quezon Avenue ako nagtungo’t saktong marami nang mga kapwa aplikante ang matiyagang naghihintay. Halos isang oras din ang aking hinintay bago matawag upang sumailalim sa kanilang assessment. Written exam ang kanilang assessment at simple lamang subalit nahirapan pa rin sa pagsagot pagkat nakakalito. Dahil Office Staff ang posisyon na aking papasukan, karamihan sa aytem ng exam ay puro non-verbal kaya more on reasoning ako sa pagpili ng tamang pattern at pag-iisipin ka talaga nang husto lalo na kapag kumplikado at may kahirapan. Sa pangkalahatan ay maayos ko naman nasagutan ang exam at sumipa muli ang kaba nang tawagin ako para sa initial interview.

13F-H. Laking tuwa ko nang sabihing naipasa ang kanilang assessment subalit hindi muna nagawang magpakasaya pagkat hindi naman nangangahulugang tanggap na at marami pang marahil na higit na magaling sa akin. Mga bandang Alas-onse nang lisanin ko ang company at sana’y matanggap na. Sa sobrang trapik pagkat what’s really new in EDSA, isang oras at kalahati ang inabot bago ako makarating ng Ortigas. Eksakto Ala-una pa lamang kaya tumungo muna ako sa kalapit nitong mall na Robinson para makipagkita kay Marc na kapwa kasama sa training. Nang kami ay magkita, karakaraka nang ipinihit ang yapak sa Sitel. Pagkarating mismo sa training room, kahit Alas-dos na’y takang-taka kami kung bakit iilan pa lamang ang mga trainee at hindi pa nagsisimula ang training. Tamang kwentuhan lamang sa mga kasamahan habang wala pang pumapasok na trainor at nakakatuwa silang kapalitan ng kuro-kuro na tipong malapit na sa isa’t isa kahit ngayon lamang nagkakilala.

13F-I. Ilang sandali pa nang pumasok ang trainor at sa halip na training ay nagkaroon muna ng orientation na labis kong ipinagtataka at isa-isang tinawag ang mga kasamahan para magpakilala hanggang sa malaman na lamang namin ni Marc na hindi roon ginaganap ang training kundi sa may Mandaluyong pa. Nakakadismaya pagkat namaling akala kami at dali-daling nagpunta sa kanilang training area. Walang humpay sa pagbayo ang kaba pagkat batid ng isip na late na kaming dalawa at kung kailan iiwan na ang bag sa may baggage counter, minamalas lamang ng lagay pagkat hindi akalaing bawal pala sa kanila ang magdala at magpasok ng Laptop. Dahil di ko naman ang policy ng Sitel, halinhinan akong nakipag-usap sa kanila subalit bigong makumbinsi at sinabihang iiwan na lamang ang Laptop sa may entrance.

13F-J. Hindi naman ako makakapayag na ihiwalay ang Laptop mula sa bag kaya patuloy ko silang pinakiusapan at nag-isip ng paraan. Sa dami pa naman kasi ng pwedeng ipagbawal, Laptop pa na nagkataong dala-dala ko pa kaya napurnada ang dapat na sana ay magsisimula sa training at nakakainis ang mga nangyayari sa akin. Sa huli at dahil medyo alanganin kung iiwan ko ang Laptop sa kalapit nitong mall samantalang sa baggage ang bag, napagpasyahan kong umuwi na lamang. Abot-abot ang panghihinayang pagkat nasayang lamang ang pagpunta ko sa Sitel, dili sana’y nakapagsimula na. Dumating man ang bagay na hindi inaasahan at hindi napaghandaan ay nanatili pa rin ang ngiti sa mukha sa aking pag-uwi at nawa’y magpatuloy ang ganito para still cute not sluggish face.                  
  

January 08, 2019
Tuesday

Year VII-008

13F-K. Nasa panibagong taon na ng buhay subalit wala pa ring pagbabago sa akin na may kasibaan sa pagtulog kaya ang resulta’y inunahan nanaman ng haring araw sa paggising. Nang makapag-almusal at kahit mamayang hapon pa ang training ay maaga akong nagbihis pagkat tutungo naman ngayon sa NSO upang asikasuhin ang Birth Certificate. Bandang Alas-nuebe nang makarating ako ng NSO at talaga nga namang hindi na mahulugang karayom ang dami ng mga tao at mahaba na rin ang pila. Kahit may kahabaan ang pila ay kaagad din naman akong nakakuha ng Form at tumungo naman sa third floor para magbayad. Sa pagtungo ko roon ay manlaki ang mata at nabulaga nang husto pagkat ang daming mga tao. Saktong may upuan naman kaya hindi nakakapagod at ngawit ang pumila. In fairness nga lang dahil karamihan sa mga kasama ko, kung hindi may mga edad na’y puro mga Construction worker at amoy na amoy mo kung anong klaseng propesyon ang kanilang pinapasok.

13F-L. Dahil batch by batch ang tawag sa counter, hindi tuloy-tuloy ang usad ng pila kaya matagal at inabot ako ng halos dalawang oras bago tuluyang makapagbayad. Sumunod ay tumungo naman ako sa kabilang lobby upang doon kuhain ang Birth Certificate. Ala-una na subalit hindi pa ko natatawag para sa Certificate at napapaisip na tuloy kung makakapunta pa ba sa training ng Sitel. Wala akong ginawa kundi magtiyaga at palawigin ang pasensiya kahit napapaisip na sa ibang araw na lamang kuhain. Kung kailan malapit nang sumapit ang Alas-dos nang sa wakas ay mapasakamay ko na ang Birth Certificate. Bukod sa late na late ay may kalayuan din ang Sitel mula sa NSO at nakaka-hassle naman ang bumiyahe patungo roon kaya napagpasyahang huwag nang pumasok sa training. Paguran akong nakarating ng bahay kaya diretso hilata sa kama para magpahinga.       


January 09, 2019
Wednesday

Year VII-009

13F-M. Yung pakiramdam na gusto ko pang matulog subalit kailangan nang bumangon pagkat may lakad nanaman ngayong araw. Bago tumungo ng training sa Sitel at dahil may interview ako sa isang kumpanya na kung tawagin ay Hope Human Resource Incorporated, ipinihit ko muna ang yapak doon pagkat hindi ko ibig na pakawalan ang opurtunidad. Hindi pamilyar ang lugar kung saan ito naroroon kaya halos maligaw ako habang tinutunton ang kanilang opisina hanggang sa marating tuluyan ko itong marating. Dahil masyado pang maaga, ako pa lamang ang nandoon at saktong sarado pa ang opisina. Ilang sandali pa nang magkaroon ako ng makakasama at ang inakalang mga empleyado ng kumpanya ay nagkakamali pagkat mga kapwa aplikante rin sila. Bandang Alas-siete y medya nang papasukin kami at isa-isang tinawag para sa interview. Wala ibang maramdaman kundi kaba habang napipinto ang aking interview kahit ilang beses nang naharap sa ganong sitwasyon.

13F-N. Hindi nagtagal ay tinawag na ko’t naibsan kahit papaano ang nginig na likha ng kaba pagkat simple lamang ang katanungang ibinabato sa akin at parang nag-i-screening lamang. Matapos ang interview ay isinailalim muna nila kami sa assessment at dahil Human Resource ang aking papasukan, medyo may kahirapan ang pagsusulit pagkat maihahalintulad sa board exam ang mga katanungan at may essay type pa na kung saan justified ang iyong mga kasagutan. Halos mangamote ako habang sumasagot at mapakamot na ng ulo subalit kahit na ganon kahirap ay kinakaya pa rin at gumagawa ng diskarte. Matapos ang assessment ay napalitan ng tuwa ang kaninang si ako na nababalutan ng kaba nang makaabot sa final interview at dito’y nag-refer sila ng kumpanyang posible kong pasukan at mangyayari lamang iyon kapag tatawag sila para sa approval.

13F-O. Natutuwa man sapagkat parang abot kamay na ang mithiing magkatrabaho ay hindi ko pa rin magsaya ng lubusan pagkat hindi pa iyon nangangahulugang tanggap na’t hihintayin pa nila ang approval ng kumpanya bago ako makapagsimula. Nang maipaliwanag ang lahat ng mga gagawin kung sakaling makuha ako, hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa pag-alis. Eksakto Alas-onse nang matapos ang aking application at interview at dahil malakas ang kutob na anumang araw ay magkakatrabaho na, nag-aalangan na kung itutuloy pa ba ang training sa Sitel. Tinamaan na rin ako nang katamaran kaya napapaisip nang umuwi. Medyo nagugulahimanan ako nang panahong iyon at nahihirapang makapagdesisyon, natatakot na sa bawat paghakbang ko’y magkamali at pagsisihan subalit napagtanto kinalaunan na walang masama kung susubukan kaya tumungo pa rin ako sa Sitel. Sa sobrang trapik, bandang Ala-una na ko nakarating doon at saktong hindi pa nagsisimula ang training.

13F-P. Bandang Alas-dos nang dumating ang aming trainor at bago magsimula ang class training ay nangilabot ang aking dibdib nang tawagin nito at sitahin kung bakit wala raw ako kahapon. Kahit nanginginig dulot ng namamayaning kaba ay nagawa ko pa rin magpaliwanag at lakas loob na sinabi ang dahilan. Para akong tinanggalan ng lakas at kandilang biglang nawalan ng ningas nang sabihin nitong hindi ko na raw maaaring ipagpatuloy ang training at nagpaalam na sa akin, sa kadahilanang hindi ako nakaabot sa cut-off ng bilang ng mga trainee na isinagawa kahapon. Nanghihinayang man sa pagkaka-terminate nila sa akin ay buong loob ko naman kaagad iyong tinanggap at bye-bye Sitel na, marami pa namang opurtunidad na naghihintay para sa akin na mas higit kaysa diyan kaya walang dahilan upang mawalan ng pag-asa at tuloy lang ang laban. Sa kabila na hindi kanais-nais ang pangyayari’y umuwi pa ring bitbit ang kagaanan ng kalooban, hindi lamang minsan maiwasan ang manghinayang at manlumo sa tuwing sumasagi iyon sa isipan.                
      

January 10, 2019
Thursday

Year VII-010


13F-Q. Parang dagundong ng kulog ang kaba sa dibdib pagkat kagabi pa hinihintay ang tawag mula sa Hope Human Resource Incorporated gaya ng ipinangako nila sa akin subalit hanggang sa mga oras na iyon ay wala pa ring natatanggap ni text man lang kaya hindi na maiwasan pa ang mabahala’t iniisip na baka walang kumpanya ang kumuha sa akin. Sumapit na ang umaga, wala pa rin akong natatanggap na tawag mula sa kanila kaya sumidhi pa lalo ang kaba. Pilit kong pinapahupa ang kaba sa dibdib subalit patuloy na nagpaparamdam at para bang ginagalugad nito ng paulit-ulit ang loob ko at parang unti-unti na ring nanghihina nang mga oras na iyon. Para akong mababaliw sa kakaisip patungkol sa trabaho at hindi maiwasan ang mangamba sa posibleng mangyari na siyang iniiwasan kong maganap, hindi rin ako mapakali at mapalagay ng maayos. Dulot na walang hanggang pagsanib ng kaba sa dibdib, hindi na halos ako makakilos at gusto’y nakahiga lamang.

13F-R. Para bang habang ako ay nanghihina ay humihina na rin ang loob ko, nawawalan ng pag-asa at napapaisip kung magkakatrabaho pa ba? Hindi ko maunawaang lubos kung bakit ganito ang aking pakiramdam na parang nanghihina. Bukod pa roon ay nawawalan na rin ako ng ganang kumain subalit nahihilo naman at sumasakit ang Sikmura kapag hindi kumain. Tanghaling tapat na subalit nanatiling tahimik ang telepono ko kaya umigting pa lalo ang pagkabahala at sumasagi na sa isipan na marahil ay walang kumuha sa akin. Gayunpaman ang aking nasa isipan ay pinili pa ring maging positibo at nanalangin sa Maykapal, umaasa at nagtitiwalang diringgin ang aking dalangin. Nang sumapit ang Ala-una’t gawa na hindi na mapakali, naisipan ko nang magtungo sa HHR Incorporated para magpa-follow up at pagkaharap sa taong nag-interview sa akin kahapon, kinompirma nitong wala pang company ang nagre-respond sa kanila para sa aking deployment kaya hindi ako tinatawagan.

13F-S. Para na kong nalalantang gulay nang sabihin niya iyon sa akin subalit parang sumilay kahit papaano ang liwanag sa madilim na daanang aking tinatahak nang sabihin naman mag-expect pa raw ako ng kanilang tawag hanggang isang linggo. Gayunpaman ang aking mga nabatid ay hindi ko pa rin magawang ipanatag ang kalooban at napu-frustrate na pagkat dalawang buwan nang naghahanap ng trabaho, wala pa rin at palagi na lamang nabibigo. Hindi ko nga alam kung dapat ko pa bang asahan ang sinabi nila sa akin, pakiramdam ko nga ng mga oras na iyon ay napupunta lamang sa wala ang aking pagkukumahog na makahanap ng trabaho. Bukod sa pagkukumahog ay sinasamahan pa nga ng dasal subalit parang wala pa rin at sa sobrang frustration ko na, nagawa nang sigawan ang Diyos at iniisip na marahil ay pinababayaan na niya ko.

13F-T. Sinabi ko sa sarili, kung totoong may Diyos at hindi niya ko pinababayaan kailanman, bakit puro kabiguan na lamang ang nararanasan ko’t ginawa na ang lahat na sa palagay ay tama at nararapat, gaya ng pagkukumahog at pagdarasal subalit wala pa rin at hindi man lang masilayan ni katiting na bunga ng aking pagsusumikap. Pakiramdam ko talaga, balewala ang lahat ng aking ginagawa at hindi malaman kung saan ba nagkukulang o may kulang pa ba? Sa yamot ko, muntikan na ngang murahin ang Diyos, subalit hindi ko magawa, hindi ko mawari kung bakit, marahil ay nangibabaw pa rin ang pagrespeto ko sa kanya at kinikilalang nakakataas sa akin kaya hindi niya pinahintulutang lumabas iyon sa aking bibig laban sa kanya kahit na nababalisa na’t nadidismaya sa kanya. Umuwi akong parang namatayan o pinagsakluban ng langit at lupa, hindi malaman kung ano paano sasabihin kina Mama ang totoo pagkat batid ko kung anuman ang kanilang magiging reaksyon, kaya hindi ko man ibig ay nagawa muling magsinungaling. Hanggang kailan ba kasi ako ganito na nanlilimos ng trabaho? Sa totoo lamang ay hirap na hirap na ako't parang ibig nang sumuko.                 


January 11, 2019
Friday

Year VII-011

13F-U. Napanghihinaan man ng loob pagkat naiisip na napupunta lamang sa wala ang aking mga pagkukumahog, wala naman mangyayari kung hahayaang magpanaig sa aking nararamdaman kaya kailangan ko pa rin kumilos at sumubok kahit nasasagad na ang pasensiya. Naniniwala akong pagsubok lamang ito na ipinagkaloob sa akin ng maykapal na kailangang kaharapin at pagtagumpayan at pinapatibay niya lamang ako. Batid kong may nagawa pagkakasala sa Diyos pagkat nasigawan ito kahapon dulot ng matinding frustration at nawa'y mapatawad pa sa nagawa ko sa kanya. Kahit sabihing tao lamang at may hangganan din ang pagpapasensiya'y hindi pa rin tama na sigawan siya at madismaya pagkat kawalan na iyon ng pananalig at sisikapin kong maibalik iyon. Saka lamang ako bumangon nang mahimasmasan ang isipan at makapagnilay-nilay. May Follow-up Check up pa ko kay Doctora Dacayan ngayong araw subalit dahil may interview muli ako ngayong araw, mas pinili kong magtungo sa isang kumpanya, sa takot na mapakawalan ang opportunity na marahil ay nag-aabang lang sa akin.

13F-V. Pagkarating sa isang kumpanya na kung tawagin ay Primebeef Corporation na kung saan sila ang taga-angkat ng mga karne sa iba't ibang restaurant, bago ako humarap sa initial interview ay isinailalim muna nila ako sa assessment. Hindi naman gasino kahirapan ang kanilang pagsusulit pagkat more on encoding and sequence ang coverage at may halo ring Mathematics kaya napasubo ako sa solving at iyon ay mano-mano pagkat hindi nakapagdala ng calculator. Nang dumako na sa essay type, doon lamang talagang nahirapan pagkat mapapasabak muli ako sa justification. Dahil dumidiskarte ako, sinikap kong mapaganda ang sagot kahit hindi makapag-isip ng maayos sa kagustuhang ma-impress sila't lumaki ang tiyansang ma-hired. Sa dami ng mga kailangan sagutan at punan kasama na ang application form, abutin ng halos dalawang oras bago ako matapos sa assessment at sakit ng ulo ang tinamo pagkat pigang-piga na. Wala pa ang taong makikipagpanayam sa akin kaya pinapabalik na lamang ako mamaya.

13F-W. Dahil sa may Sikatuna lamang ang Primebeef at hindi naman kalayuan mula sa amin, napagpasyahan ko munang umuwi at sa bahay na nananghalian. Mga dakong Alas-tres nang bumalik ako roon at isang oras pa ang hinintay bago ako papasukin para sa interview. Simple lamang ang mga katanungan na may kinalaman sa identity ko kaya ganadong-ganado sa pagsagot subalit hindi maiwasang maglaro ang kaba kaya may mga oras na hindi makasagot ng tuwid at nauutal. Sa huli ay sinabi ng Interviewer na tatawagan na lamang para sa next process of application at as usual, dahil aasa nanaman ako sa bagay na walang kasiguraduhan. Muling sumasagi sa isipan kung magkakatrabaho pa ba't hindi nanaman maiwasan ang makaramdam ng frustration, para tuloy ako nade-depress pagkat nawawalan na ng gana sa lahat ng bagay. Kahit nakakapagod na ang umasa, sana matanggap pa rin ako roon. Dulot na tila nagbabadya ang depression, hinintay ko na lamang sumapit ang gabi na nakahilata.    


January 12, 2019
Saturday

Year VII-012

13F-X. Bumagsak sa Board exam, na-terminate sa training ng Sitel, tapos hanggang ngayon ay wala pa ring mapasukang trabaho. Hindi na tuloy maiwasan ang mag-alala’t mangamba, iniisip kung paano na ang magiging future ko ngayong nanatiling nga-nga. Patuloy na sumasagi sa aking isipan ang mga katanungan gaya ng kaya ko pa ba tuparin ang mga pangarap sa buhay, habang-buhay na lamang ba akong aasa sa mga magulang ko at hanggang kailan ko pa dadanasin ang ganito? Sa tuwing naiisip ang mga bagay na iyon, lalo pa tuloy sumisidhi ang aking pagkadismaya, hindi na rin maiwasan ang mag-alala. Sa dami ng mga kabiguan na dumating sa buhay, ngayon lamang talagang napanghihinaan ng loob at nawawalan ng pag-asa. Marahil ay depress ako kaya naiisip ang ganong mga bagay at dulot ng depression, parang ayaw ko na talagang bumangon, mag-almusal at gusto’y maghapon o habang-buhay na lamang nakahilata, kinikimkim ang mga kabiguan sa buhay subalit batid kong walang patutunguhang maganda at hindi masusolusyunan ang aking mga pinagdadaanan kaya pinili pa ring magpakatatag at hindi hinayaang tuluyang lamunin ng depression at mawala sa sarili pagkat ayaw ko nang makadagdag pa sa problema ng pamilya na hanggang ngayon ay kinakaharap pa rin, ang pagkakaroon ng sakit ni Papa, tapos ay depress pa ito.

13F-Y. Upang mailihis ang aking kaisipan sa mga bagay na nakakapagbigay pangamba at negatibo sa pakiramdam, gumawa ako ng mapaglilibangan. Tamang online lamang sa Social Media at pakikinig ng musika, buong umaga’y iyon lamang ang aking inatupag at effective naman pagkat kahit paano’y naiibsan ang aking mga alalahanin at nakakapag-relax. Padalisay na sana ang araw ko, napurnada lamang nang biglang bungangaan nina Mama at Ate. Hindi ko lubos matanggap ang mga salitang binitawan nila pagkat sabihan ba naman akong pabigat at walang naitutulong, na siyang ikinasakit ng husto ng aking kalooban. Yung pakiramdam na may pinagdaraanan na nga ako na wala silang kaalam-alam, tapos makakarinig pa ng masasakit na salita mula pa mismo sa bibig ng pamilya at ipinapalabas pa nila na wala akong kwentang tao. Nagkasabay-sabay na ang masasalimuot na pangyayari at gawa na sagad na sa totoo’y nahihirapan nang panghawakan, hindi na napigilan pa ang emosyon at nagpamalas na ng langitngit sa kanila.

13F-Z. Sobrang stress na ko ng panahong iyon kaya walang ginawa kundi magwala, magsisigaw-sigaw at pinaghahagis kung anumang bagay ang makapa. Patuloy akong pinaulanan ng masasakit na salita ng ate kahit naglulupasay na ko habang nagwawala’t nagsisigaw-sigaw na parang tigre at dahil sukdulan na ang galit ko kay ate, dumating na sa puntong muntikan ko na siyang sakmalin, pinigilan ko lamang ang sarili at ibinaling na lamang sa mga kagamitan ang galit na parang apoy kung magliyab. Sa tindi ng galit ko, halos matupok na’t nahihirapan na rin itong kontrolin hanggang sa manigas muli ang aking mga daliri at sumisikip ang dibdib dulot ng Hyperventilation. Kahit nangingisay na’y walang pakialam sina Mama at Ate at patuloy akong pinagsalitaan at sinabihang nag-iinarte lamang samantalang alalang-alala na si Papa.

13G-A. Sumama pa lalo ang loob ko sa kanila pagkat ipinaramdam nila na walang pakialam kahit anuman ang mangyari sa akin, na siya pang nagpasidhi sa aking Hyperventilation. Para akong nasasakal nang panahong iyon kaya nagsuka na kung saan-saan. Kahit pilit na pinapahupa ang emosyon ay naninigas pa rin ang mga daliri ko at parang kinukuryente ang buong katawan, nanghihina na rin ako. Sa sobrang pag-aalala ni Papa, wala itong ginawa kundi pigilan ang dalawa sa pagbubunganga sa akin at mabuti siya na may malasakit sa akin. Nang lumala pa ang sitwasyon ay doon lamang tumigil ang ate at hindi makapaniwala sa kanyang ginawa pagkat tinulungan niya si Papa para pakalmahin ang aking Hyperventilation at mahimasmasan. Sa tindi ng aking Hyperventilation, mas matindi pa kaysa sa mga nakaraan, nagdedeliryo na ko’t patuloy na nanghihina, dumidilim na rin ang paningin.

13G-B. Parang mawawalan na ko ng malay o matitigok na marahil ng mga oras na iyon subalit hindi naman natulo. Panay ang hingi ng paumanhin sa akin ng ate at ang kaninang ako na nag-uumapaw ang galit sa kanya dahil sa mga nasabi nito, biglang nanlambot ang puso at kaagad siyang napatawad. Nang tuluyang humupa ang aking Hyperventilation at bumalik sa dati ang pakiramdam, pinagpahinga nila ako. Natapos man ang sigalot sa pagitan naming magkapatid ay hindi ko pa rin maiwasan ang ma-depress, ni wala akong ganang kumain o lumabas man lang ng kwarto. Saka lamang ako lumabas nang tawagin nina Sister Claire upang aanyayahan sa kanilang worship. Nang una’y nag-aalangan akong sumama sa kanilang gayak pagkat walang kagana-gana subalit ayaw ko naman tuluyang lamunin ng depression at mauwi sa pagpapatiwakal kaya sumama ako sa kanila. Saktong hindi pa nagsisimula ang worship subalit naroroon na si Pastora Leah at ilang sandali pa’y nagsimula na ang worship at bible study. Kahit paano’y nagigising na ang saya sa dibdib subalit balot pa rin ng depression kaya pagkauwi ng bahay, kaagad akong nahiga at natulog kahit mababaw pa lamang ang gabi.                 
    

January 13, 2019
Sunday

Year VII-013


13G-C. Patuloy pa ring umiiral ang Depression ko subalit hindi naman ibig na magmukmok na lamang habang-buhay at hayaang pigilan ng Depression ang aking mga adhikain sa buhay kaya nilabanan iyon at bumangon kahit nawawalan ng gana. Batid kong pagsubok lamang itong aking pinagdadaanan at sa oras na nahaharap sa ganitong sitwasyon ay lakas ng loob ang kailangan at pananalig sa maykapal para malampasan ito. Wala naman pagsubok na iaatang ang Diyos sa atin na hindi kakayanin kaya naniniwala akong makakaya ito’t sa bawat pagsubok na aking kinakaharap ay lalong nagiging matibay at matatag. Gustong-gusto ko talaga makawala sa Depression na gumagapos sa aking pagkatao kaya gumawa ng paraan at sumama kina Sister Claire sa kanilang Sunday Mass. Pagkarating sa kanilang bahay sambahan, saktong nagsasalita na ang kanilang Pastor. Matapos ang paghahayag sa salita ng Diyos, isa-isa kaming binigyan ng Ostia at Juice na nakalagay sa maliit na baso na sumisimbolo sa katawan at dugo ng Diyos at sabay-sabay na kinain at ininom, bilang tanda na tinatanggap namin sa buhay ang Maykapal.

13G-D. Tumagal ang aming Sunday Mass ng tatlong oras at walang ibang maramdaman kundi kagaanan ng kalooban sa kabila na may kinakaharap at unti-unti nang naibabalik ang aking pag-asa na sana’y magtuloy-tuloy na. Bago umuwi ay tumungo ako sa Barbershop upang magpagupit. Habang naglalakad pauwi ay saktong nakasalubong sina Sister Minerva at Sister Malou na dating kasamahan sa Christian Church at laking gulat ko pagkat hindi na sila sa JOLIA Church nagsasamba. Pauwi na sana ako subalit bigla nila akong dinala sa kanilang Church at pagkatungtong ay saktong naroroon si Ate Julie. Ipinakilala ako ni Ate Julie sa kanilang Pastor at sa daldal nito na talagang umaarangkada’t walang balak magbago, naikwento na nito ang patungkol sa naging problema namin nung nakaraang taon na kung saan bihag si Mama ng kanyang sakit.

13G-E. Ramdam ko ang pagiging mabait ng Pastor di dahil sa makadiyos ito at malawak ang pag-unawa kaya hindi na napigilan ang mapakwento patungkol sa aking pinagdadaanan maging sa problemang kinakaharap ni Papa na ngayon ay nade-depress na. Nang makapagkwento’y biglang inudyok ni Ate Julie ang Pastor na si Pastor Rene na magtungo sa bahay namin para ipagdasal kami. Wala naman masama kung magtungo si Pastor Rene subalit hindi ko magawang pumayag pagkat nag-aalangan at iniisip kung ano ang ipapakain sa kanila. Walang ginawa si Ate Julie kundi kumbinsihin ako na papuntahin ang kanilang Pastor mamayang gabi at dahil sadyang mapilit ito at makulit, hindi na ko nakahindi pa. Ano bang mayroon sa aking bibig at naikwento ko ang ganong bagay subalit wala naman akong ginawang masama. Napasarap ang usapan naming tatlo kaya hindi namamalayang isang oras na pala ang nakakalipas at nakasama ko pa ang Ate Julie hanggang sa pag-uwi.

13G-F. Mabait ito at relihiyoso subalit may ugali talaga itong hindi ko magustuhan gaya ng pagiging pakilamera’t hindi marunong rumespeto sa desisyon ng kapwa, parang kung ano ang kanyang pananaw ay ipagpipilitan baga nito at hindi marunong makinig at umunawa. Nawalan na ko ng pakikisama sa kanya dahil sa ipinapakita nitong hindi kanais-nais kaya sa halip na makipagkwentuhan pa sa kanya habang bisibisita namin ito sa bahay, pinili na lamang na mahiga sa kwarto. Natagalan pa bago siya umalis at sa pag-alis nito ang pamamayani ng katahimikan sa bahay. Pagkagising at dahil medyo nababagot ang manatili sa bahay, naisipan kong lumabas-labas at makipagkwentuhan kay Aling Pammy. Bukod sa nakakatuwa’t nakakagaan ng loob dahil sa halip na pag-usapan ang kung ano-anong mga bagay ay patungkol sa Diyos ang laman ng aming usapan at lalo pa niya pinakilala sa akin ang Diyos.

13G-G. Ang laki na talaga ng pinagbago ni Aling Pammy na mula sa dati nitong pagiging marusing at pariwara, ngayon ay marunong nang ayusin ang sarili’t hindi na rin napapabayaan ang mga anak, dahil sa tulong ng panginoon. Naiinggit lamang ako sa kanya dahil nagawa niyang baguhin ang sarili at nalampasan kung anuman ang mga pagsubok na kanyang kinaharap. Wala pang balak umuwi kaya nagtungo pa ko sa bahay nina Regine (Miano). Pagkatungtong ay laking tuwa pagkat naroroon si Annie, non-stop muli kami sa kwentuhan at harutan dalawa. Bandang Alas-siete na ng gabi nang mapagpasyahan kong umuwi at sa aking pag-uwi ang pagdating naman nina Pastor Rene at tinipon kaming dalawa ni Papa sa sala para bahagian ng salita ng Diyos at ipagdasal. Tumagal ang bible study ng isang oras at Diyos na nga ang bahala sa kung anuman ang pinagdadaanan ko at ng aking pamilya. Dahil may lakad muli bukas upang maghagilap ng trabaho, maaga akong natulog.                           

January 14, 2019
Monday

Year VII-014


13G-H. Nakukuha nang ngumiti ng nasa labi matapos ang ilang araw na pagluluksa ng loob na dulot ng Depression na aking dinanas. Kahit maraming bagay ang nangyayari na hindi kanais-nais sa atin at nagkasabay-sabay pa, may dapat pa ring ipagpasalamat. Nagpapasalamat ako sa Maykapal dahil binuksan niya ang aking isipan at hindi hinayaang malugmok nang husto sa kalungkutan. Dahil may company nanaman akong pupuntahan na kung tawagin ay Gigahertz na matatagpuan sa Quiapo, Manila, pagkaalmusal ay diretso bihis na ko. Bukod sa may kalayuan, hassle at gastos pa sa pamasahe kaya halos mangaubos ang pera pagkatungtong doon at di agad nasumpungan kaya nagtanong-tanong pa ko at nang matunton, laking gulat ko pagkat ang inakalang kumpanya na malawak at kaaya-ayang pagmasdan ay nagkakamali pagkat para lamang itong warehouse at sa halip na mga empleyado na may disenteng kasuotan ay mga Construction Worker na kakikitaang hapong-hapo na sa pagbubuhat ng semento at hollow block.

13G-I. Napapaisip na tuloy ako kung dapat pa bang tumuloy at habang humahakbang paakyat patungo sa kanilang opisina’y takot ang nadarama pagkat madilim, maalikabok at para kang naglalakad sa abandunadong bahay, dami ring mga agiw-agiw na iisipin mong gumagala ang mga ligaw na kaluluwa. Pagkatungtong ng Third floor kung saan ang kanilang opisina’y taliwas ito sa nadaanan ko pagkat malinis, maayos at malamig pa at doon ko lamang nakita ang inaakalang pananamit ng tunay na empleyado na mabango at disente. Pagka-fill-up ng form ay isinailalim muna nila ako sa assessment. Dahil Sales Agent ang position na inaplayan ko, patungkol sa selling strategy ang naging coverage at anong hirap kaya halos mangamote sa pagsagot at sakit sa ulo ng bawat tanong, nakakalito hanggang sa dumating sa puntong naisipan ko nang mag-back out, iniisip na hindi ko ito kakayaning ipasa, magiging trabaho kung sakali. Sakto Alas-onse na pala ng umaga at dahil may isa pang kumpanya ang mag-i-interview sa akin na kung tawagin naman ay Saint Peter Life Plan na matatagpuan sa tapat ng SM North EDSA, karakaraka na ko sa pag-alis.

13G-J. Bandang Ala-una nang makatungtong ako roon at makalipas ang kalahating oras ay tinawag na kaming mga aplikante para sa assessment. Madali lamang ang kanilang exam pagkat more on non-verbal na hango sa Culture Fair Test ang coverage, may halo rin Mathematics subalit nahirapan ako pagdating sa Vocabulary Words at Reading Comprehension na siyang nagpatagal sa pagsagot ko at may mga aytem na pang-critical thinking kaya mapapaisip talaga ng husto. Bukod sa Intelligence Test, may Personality Test rin sila at very familiar sa akin ang coverage pagkat hinango sa Sack Sentence Completion Test na kung saan may mga nakalatag na parirala patungkol sa kung paano ka makihalubilo sa mga nakapaligid sa’yo at iyon ay putol na kailangan mong dugtungan base on what’s your mind.

13G-K. Habang abala ako sa pagsagot, may isang administrator ang lumapit sa akin at sinabing bilisan ko na raw. Pagkatingin, nagulat ako pagkat hindi akalain ako na lamang pala ang natira, hindi ko pa nasasagutan ang Q & A Test nila kaya di na maiwasan ang maging tensyonable dala ng pressure at hindi na makapag-isip ng maayos. Medyo naiilang na ng lagay pagkat ako na lamang ang hinihintay kaya binabara na ang pagsagot at bahala na sa magiging resulta. Matapos ang assessment, pinapunta muna kaming lahat sa lobby at isa-isang tinawag para sa interview. Dahil ako ang kahuli-hulihang aplikante ang natapos sa exam, ako ang huling tinawag at simple lamang ang mga katanungan, iyon ay hindi ko nasagot ng maayos dulot ng kaba at nagugutom na rin.

13G-L. Saglit lamang ang interview sa akin at pakiramdam ko ng mga oras iyon, hindi na-satisfy ang interviewer sa mga sagot kaya umiral nanaman ang aking frustration at hindi maiwasang isipin na baka hindi ako makuha. Ipinangako ko sa sarili na simula sa taong ito, puro positive lang ako subalit dala ng frustration, hindi mapigilang maging Nega at para akong gulay na unti-unting nalalanta habang naglalakad, iniisip kung magkakatrabaho pa ba? Dahil frustrated nanaman ako at pagod na rin, pagkauwi’t lamon ng hapunan, diretso hilata sa kama hanggang sa makatulog. Hindi pwedeng ganito na napanghihinaan ako ng loob at pagsubok lamang ito na malalampasan kung nanaisin.                 


January 15, 2019
Tuesday

Year VII-015


13G-M. Napanghihinaan na ng loob pagkat napapagod nang maghanap ng trabaho, wala naman nangyayari at nanatili pa ring nakatengga sa bahay, nakakasawa na rin subalit batid kong walang mangyayari kung magpapanaig lamang sa kahinaan ng loob at kawalang pag-asa kaya tuloy pa rin kahit mahirap pagkat walang imposible sa taong nagsusumikap, marahil ay kulang pa itong pagkukumahog ko at kailangan pang igtingan. Marahil ay kailangan ko pa ng kaunting tiis at hindi maglalaon ay magkakatrabaho na rin, kahit nakikitang tila malabo. Ayaw kong maging negatibo kaya patuloy pa ring umaasa. Pagkabangon at almusal ay kaagad na kong naghanda-handa’t bihis upang mag-apply muli. Sa Caloocan ko naman naisipang mag-apply at habang papatungo roon, pagkatungtong ng Novaliches Bayan ay may nakasalubong akong isang Mama na abala sa pamimigay ng slip at tila nagtatawag ito ng aplikante.

13G-N. Iiwasan ko sana siya subalit nang maiabot sa palad ang slip at makita kung ano-anong mga posisyon ang hiring, bigla akong nagkaroon ng interest at nabuhayan ng loob pagkat kasama roon ang posisyon na aking hinahanap-hanap. Sa una ay medyo nag-aalangan kung kukuhain ba ang ganung opurtunidad at napapaisip na baka mauwi lamang sa Scam subalit ayaw ko naman magsisi at baka ito na ang ipinagkaloob ng panginoon, pinakawalan ko pa kaya sumama na ko sa Mama at dinala sa kanilang agency na kung tawagin ay Jvarland Referral Service. Nang makaharap ang recruiter, biglang sumipa ang paghihinala nang singilin niya ko ng nagkakahalagang 250 Pesos.

13G-O. Parang gusto ko nang umatras nang panahong iyon pagkat kinukutuban ng hindi maganda at iniisip na piniperahan lamang subalit nang ipaliwanag kung para saan ang singil niya, kaagad naman akong nakumbinsi at nalinawan, bukod pa roon ay naengganyo ako nang sabihin nitong one day hiring process at maari nang magsimula sa trabaho oras na maiayos ang lahat ng requirements at proseso. Magbabayad na sana ako subalit nag-aalangan pagkat kukulangin sa pamasahe at kung babayaran ng buo kaya nakiusap kung maaring bukas na lamang. Pumayag naman ang recruiter at sa huli, isang daang piso lamang ang ibinayad ko’t napagkasunduang babayaran ang natitira kinabukasan kapag may kumpanya na ang tumawag o nag-text sa akin.

13G-P. Hindi ko alam kung tama ba itong mga hakbangin ko at bahala na, basta kinukutuban talaga ng hindi maganda kahit wala pang ideya ang isipan sa kalakaran at proseso kapag sa agency. Dahil kulang na ang pamasahe patungo sa aking aaplayan sa Caloocan, napagpasyahang umuwi na lamang. Habang papauwi’y saka lamang napagtanto kung saan kukuha ng perang ipangbabayad ko sa recruiter. Ayaw ko naman manghingi kina Mama pagkat ikinakatakot ko ang mga sasabihin nila. Abot-abot muli ang nararanasan kong stress dahil hindi na alam ang gagawin at labis na namomoblema, nagsisisi sa nagawa. Nagsisisi man pagkat hindi muna pinag-isipan ng mabuti bago umapak sa daan na walang kasiguruhan kung saan papatungo, dala na rin ng pagkadesperado na magkatrabaho, wala nang magagawa at kailangan ko ito panindigan.

13G-Q. Nginig man ako sa takot, kailangan itong gawin pagkat gipit na sa pera, ang manghingi kina Mama. Hindi nga ko nagkamali sa inaakala pagkat naglalagablab na sermon ang tinamo habang nanghihingi at unti-unting nagkakatotoo ang kutob na kanina ko pa nararanasan nang sabihin at ipaliwanag ng ate ang patungkol sa kalakaran ng agency at panay udyok na huwag ko nang ituloy pagkat pagsisisihan lamang ito. Hindi ko alam kung dapat ba itong pakinggan pagkat sa kabila na kinukutuban ako, hindi magawang paniwalaan ito’t iniisip na baka humahadlang lamang siya sa mga plano ko.

13G-R. Aywan ko ba talaga’t hindi mawari kung bakit hindi magawang magtiwala sa kapatid at napag-iisipan pa siya ng ganyan, basta ang pagkakaalam ko sa ay siya yung panganay na may ugaling takot maungusan ng nakakabata sa kanya gaya ko kaya gagawa ng paraan para ma-down ako pagkat masyadong mapagmataas! Natauhan naman ako kahit paano sa naging paliwanag ng ate at napapaisip kung itutuloy pa ba ito. Bandang hapon nang may isang kumpanya ang nag-text sa akin na galing sa agency at sa tuwa’y para bang gusto ko nang ituloy ito kahit alanganin. Sa kagustuhang makasigurado kung tama ba ang sinasabi ng ate, napagpasyahang itutuloy na ito. Wala naman masama kung susubukan at bahala na ang panginoon sa akin sa mga daan na napiling tahakin basta’t magtiwala lamang sa kanya.  


January 16, 2019
Wednesday

Year VII-016

13G-S. Maaga akong nagising pagkat may agency pang pupuntahan para ipagpatuloy ang application, nag-aalinlangan man. Anong hirap habang kinukumbinsi ko sina Mama sa paghingi ng pera subalit kalaunan ay napapayag ko naman sila at laking tuwa pagkat hindi akalaing magagawa iyon. Bandang Alas-nuebe nang makatungtong ako sa Jvarland Referral Service at nang makumpleto ang bayad sa recruiter, nanlaki ang mata ko nang singilin muli nito para naman sa Medical Examination. Aabot sa halos isang libo ang halaga ng pagpapa-medical at dahil kulang na kulang ang dalang pera, muli akong nag-alangan at nakiusap kung maaring bukas na lamang. Dahil one-day process lamang sila, hindi na pinayagan pang bukas na magpa-medical at ora-orada nila akong siningil. Pumayag naman sila kahit hindi buo ang binayaran ko, basta kailangan nang mabayaran ang kulang ngayong araw.

13G-T. Pagkabayad ay kaagad na nila akong dinala sa Clinic para sa examination at dahil kulang ang ibinayad ko, hindi pa ko isinailalim sa X-ray, CBC at iba pang mahahalagang examination. Nang matapos ang medical examination, kasama ang mga head hunter ay bumalik na kami sa agency. Lalo pa kong natuwa at naengganyo nang sabihin ng recruiter na pwede na ko dumalo sa kanilang orientation at training mamaya, sa kondisyong kailangan ko muna bayaran ang kulang. Pinauwi muna nila ako para kumuha ng pambayad at pagkauwi at dulot ng pagkasabik, pagkauwi’y dali-dali kong hiningian ng pera sina Mama. Sa una’y nag-aalangan silang bigyan ako pagkat masyadong malaki subalit pinayagan naman kinalaunan at nang maiabot sa palad ko ay natigilan ako nang sabihin ng ate ang patungkol sa paraan ng deployment at kailangan maging sagutin ng kumpanya o agency ang mga gastusin mo sa medical examination.

13G-U. Nang ipaliwanag iyon ng ate ay doon lamang talaga ako natauhan nang husto at marahil baka pagsisihan ko lamang ito kapag ipinagpatuloy pa kaya naisipang itigil na ito at maghanap na lamang ng iba ng walang bayad. Nanghihinayang man sapagkat naroroon na subalit mas maigi nang pakinggan ang sinasabi ng ate pagkat may karanasan ito sa mga ganyan at mahirap din naman kasi na ginawa mo na ang lahat ng kung anuman ang pinapagawa ng agency, magkaroon ka lang ng trabaho tapos hindi naman pala sapagkat sa bandang huli ay nasa kumpanya pa rin ang desisyon at walang kasiguruhan ang kanilang sinasabi. Maigi nang manghinayang ako na hindi ito itinuloy kaysa naman pagsisihan ng husto at baka mapunta lamang sa wala ang pera, mas nakakapanghinayang kapag sakaling magkagayon.

13G-V. Muling nakakaramdam ng frustration at iniisip kung magkakatrabaho pa ba. Kinahapunan at dahil parang nade-depress nanaman ng lagay, naisipan kong lumabas-labas at magtungo kina Sister Claire. Dahil gawain niyang magbahagi ng salita ng Diyos sa bawat disciple na hawak niya, mistulan itong Pastora habang kakwentuhan ito at dami mo talagang matutuhang magagandang bagay sa kanya na makakatulong sa buhay at inilalapit ka pa niya sa Diyos. Habang pinapangaralan ako ni Sister Claire ay doon lamang napagtanto na kahit sinasabi ko sa sarili na mabait ako, hindi kayang magagawa kailanman gaya ng nagagawa ng iba na pumatay at magnakaw ng milyones ay napakasama’t makasalanan nilalang ko pa rin pala.

13G-W. Hindi ko maunawaan at bigla na lamang napaluha habang dinasalan ni Sister Claire at bumalani ang kagaanan ng kalooban pagkatapos na para bang nasa alapaap ang pakiramdam. Kung anuman ang mga nagawang kasalanan sa 22 years na pamumuhay ko sa Mundo, naniniwalang napatawad na ng Diyos at magagawa pang patawarin kahit paulit-ulit sa tulong ni Sister Claire subalit kahit na ganon ang Diyos sa atin na mapagpatawad, hindi pa rin nararapat na aabusuhin natin siya at kailangan pa ring magkusa at magbago. Sa haba at dami ng napag-usapan namin ni Sister Claire na pawang patungkol lamang sa salita ng Diyos, inabot na ko ng gabi sa pag-uwi at walang ibang nasa pakiramdam kundi kagaanan ng loob pagkat ramdam ko nabawasan na ang mga kasalanan, basta humingi lamang ng tawad sa Maykapal at taus pusong pagsisihan.                     
 
January 17, 2019
Thursday

Year VII-017

13G-X. Sabihin man na nahaharap sa marami at mabibigat na pagsubok na tipong ibig mo nang bumigay at magpatihulog sa nararanasang Depression dulot ng kawalang pag-asa sa buhay subalit kapag may pananampalataya ka sa Diyos, lahat ng iyon ay makakayang lampasan pagkat naniniwala at nananalig na hindi hamak na mas malaki ang Diyos kaysa sa mga pagsubok, problema o bagyo na dumarating sa buhay natin. Iba talaga kapag naniniwala kang naririyan ang Diyos at binabantayan ka lamang sa lahat ng kilos mo sapagkat magaan at hindi mo nanaisin na malihis ng landas. Bumangon ako na magaan na magaan ang pakiramdam na tipong punong-puno ng pag-asa sa kabila na may kinakaharap na pagsubok. Pagkaalmusal at dahil free ako ngayong araw, gawaing bahay ang aking inatupag.

13G-Y. Nang matapos sa pagwawalis at punas na karaniwang ginagawa sa araw-araw kapag walang pasok, pagsusulat naman ng kwento ang inatupag ko at nagbasa-basa na rin ng Bibliya. Pagpatak ng tanghali nang magtungo sina Sister Claire upang aanyayahan ako sa kanilang Bible Study. Sa kagustuhang mapalapit pa lalo ang loob sa Panginoon at mailihis ang isipan sa mga bagay na nagpapabahala sa akin, mabilis pa sa guhit ng kidlat ang pagsama ko sa kanila. Pagkatungo sa napiling bahay na pagdarausan ng Bible study, saktong naroroon na si Pastora Leah at nagtataka lamang ako pagkat puro mga nanay ang kasama, hindi tuloy maiwasan ang mailang pagkat ako lamang ang bata subalit hindi na iyon mahalaga.

13G-Z. Ilang sandali pa’y nagsimula na si Pastora Leah sa pagtuturo at patungkol sa quiet time ang topic na kung saan ibinibigay mo ang oras sa Panginoon. Bago kami magpaalam sa isa’t isa ay isa-isa kaming pinatungan ng dasal ni Pastora Leah na diumano ay pagkahaba-haba’t rami at nawa’y magkatotoo ang lahat ng kanyang dalangin sa amin. Kasama sina Aling Pammy maging si Pastora Leah ay sinamahan pa nila ako sa pag-uwi at pumasok pa sa bahay ang Pastora upang magpakilay kay Aling Pammy. Habang kinikilayan ay aksidente nitong nasugatan si Pastora nang makita nito si Kuya Al na umihi sa kanilang harapan na lantad pa ang birdie at tawa kami nang tawa sa reaksyon ni Aling Pammy habang paulit-ulit itong humihingi ng tawad. Lalo pang sumaya ang araw ko dahil sa kanila at kahit maharap man sa mga pagsubok ay makuha pa ring maging maligaya.

13H-A. Kinagabihan, anong ingay sa aming lugar pagkat may nag-aaway nanaman na kapit-bahay at halos mawasak na ang sangkabahayang kinatitirikan sa harap pa mismo ng aming bahay kung sila’y magsiwala at dinaig pa ang nagwawalang tigre gaya ko kung maging bayolente. Dahil harap lamang namin sila, kitang-kita kung paano magpalitan ng lakas at itilapon ang mga kagamitan, walang ibang maramdaman kundi takot at Diyos na ang bahala sa kanila, pahinahunin niya ang emosyon ng bawat isa. Wala akong masabi sa lugar namin na laganap ang karahasan at kaguluhan, kung totoo man na may mga demonyo ang pagala-gala na siyang nagiging dahilan ng matitinding sigalot na kulang na lamang ay magkitilan, Diyos na ang bahala sa lahat at naniniwala ako sa proteksyong iaalay niya sa amin para malayo sa kapahamakan at pagkasira ng bawat relasyon.                  


January 18, 2019
Friday

Year VII-018

13H-B. Bandang Alas-siete na ng umaga nagising at kaagad nang nagbihis matapos mag-almusal para mag-apply ulit. Hindi muli ang mapigilang kabahan pagkat haharap nanaman sa interview subalit nilakasan ko ang loob at pagkaapak sa kumpanya na kung tawagin ay AXA Insurance Company, nakaharap kaagad ang isa sa kanilang empleyado at kinausap ako patungkol sa application bilang Sales Agent. Sinabi nito na hindi pa raw dumarating ang kanilang HR na mag-i-interview sa akin, kinailangan pa tuloy na maghintay hanggang sa may tumawag sa aking telepono, recruiter na pala iyon ng kanilang kumpanya at binilinan na dumalo sa kanilang orientation bukas para doon na i-discuss ang patungkol sa duties and responsibilities ng isang Sales Agent. Nang mapaliwanagan at matapos ang pag-uusap namin ng recruiter, hindi na nagpatumpik-tumpik pa sa pag-alis.

13H-C. Kinatanghalian at kung kailan magpapahinga na ko’y may sigawan muling naulinig mula sa labas na tila nagtatalo at katatalim ng salitang binibitawan sa isa’t isa, nang una’y binalewala ko lamang iyon pagkat tila away ng mag-asawa lamang iyon subalit nang marinig na nagkakagulo na at marami ang nagsisitakbuhan, lumabas ako at aakalaing may nagaganap na shooting sa dami ng mga nakikiusyoso. Sa sobrang curious ko, kahit mapanganib ay umusyoso na rin at gulantang ang nasa dibdib nang makita ang isang lalaki na duguan na umaagos galing sa kanyang mukha samantalang may isang nanay ang halinhinang dinuduro-duro ang dalagita. Hindi ako makapaniwala sa pangyayari at nang marinig sa usap-usapan ng mga kapit-bahay, doon nalaman na dalagita ang nanakit sa duguan lalaki at hinataw-hataw daw nito ng kahoy sa mukha dala ng pagkapoot.

13H-D. Lalo pang nagulantang ang loob nang malaman ang patungkol doon at kababaing tao subalit hindi aakalaing makagawa ng bagay na karimarimarim. Nang humupa ang kaguluhan ay saka lamang ako bumalik ng bahay at grabe na talaga sa Taniman, maingay na nga, magulo pa at pakiwaring hindi na natutuwa ang Diyos sa Sanlibutan pagkat laganap na ang kaguluhan at kasamaan saanmang dako kaya minsan ay napapaisip na marahil ay totoo ang nakasaad sa bibliya na bago dumating ang Diyos, magiging sukdulan muna ang kasamaan sa Mundo at nagaganap na yun ngayon pagkat para na silang si Satanas kung makagawa ng masama sa kapwa. Bandang Alas-dos nang puntahan muli ako nina Sister Claire upang ayain sa bible study at sumama naman ako kaagad sa kanila.

13H-E. Hindi gaya ni Pastora Leah ang naging takbo ng pagtuturo na kung saan ay nagtipon-tipon sa iisang bahay ang mga disciple nito pagkat isa-isa namin pinuntahan ni Sister Claire ang bawat kabahayan ng kanyang disciple upang bahagian ng salita ng Diyos. Napakahusay talaga magturo ni Sister Claire at talaga namang gamay na gamay na ang nilalaman ng bibliya, wala rin itong kapaguran sa pagsasalita pagkat nakaapat na bahay na kami subalit hindi ko mababanaag sa kanya ang pagkapagod. Dahil isa si Regine sa kanyang Disciple, sila ang huli naming pinuntahan. Sumali si Gelyn sa aming bible study at sa sobrang interesado nito sa mga itinuturo ni Sister Claire, naging matanong ito hanggang sa sila na lamang ang nag-usap at naki-jamming muna ako kina Annie.

13H-F. Sa dami ng ibinatong katanungan ni Gelyn kay Sister, inabot na kami ng gabi sa kanila at napahanga ako kay Sister Claire dahil nakaya niya iyon kahit maghapon na siyang nagsasalita’t lakad, maibahagi lamang ang salita ng Diyos. Pagkahapunan at matapos asikasuhin ang mga dapat asikasuhin sa bahay, bumalik ako kina Regine at nakipagkulitan muli kina Annie. Naging maligaya muli ang araw ko dahil sa kanila at kahit abot bente na ang aming mga edad ay nagagawa pa ring makipagkulitan sa isa’t isa kasama pa ang ibang kabarkada sa Recrap. Sa sayang namamayani sa dibdib, kahit Alas-nuebe na’y hindi ko pa ibig umuwi, ni gusto na ngang sa kanila matulog subalit may bahay akong kailangang uwian at tulugan. Pagkauwi, sermon ni ama ang inabot ko subalit hindi naman nagtagal.                 
     

January 19, 2019
Saturday

Year VII-019


13H-G. May kaliwanagan na sa labas nang magising ako. Katamad pa talagang bumangon at tila pumipigil ang malamig na panahon sa aking pagbangon. Pagsapit ng Alas-otso ay may tumawag muli sa akin na Recruiter ng AXA Insurance at pinapapunta para sa orientation. Nang una’y nag-aalangan talaga ako magtungo pagkat bukod sa lubhang malayo ang pagdarausan ng orientation, iwinika pa ng ate ang patungkol sa pagbebenta ng life insurance at hindi raw iyon ganon kadali sapagkat kailangan pa kumuha ng examination para sa lisensya at umaabot pa sa libo ang bayad para dun. Ipinaliwanag naman ng recruiter ang gagawin na siyang nagpakumbinsi sa akin at iniisip na baka naroroon na ang opurtunidad, pinakawalan ko pa kaya gayak na gayak nang dumalo sa orientation, hindi lamang magawa dahil walang pamasahe at napapaisip kung manghihingi nanaman ba kina Mama. Nang akmang manghihingi na ko sa kanila ay biglang umentra ang ate at talaga nga namang tutol na tutol sa gagawin ko, na siyang ikinasama muli ng loob.

13H-H. Pinaliwanagan ko siya subalit di naman ito nakikinig at sariling paniniwala lamang pinapakinggan kaya di ko na alam ang gagawin. Nahihirapan na kong makapag-desisyon kung pakikinggan ba muli ang ate sa kanyang sinasabi o itutuloy ang balak pagkat iniisip na sayang naman at baka nga naroroon na ang opurtunidad na magkatrabaho. Gulong-gulo na ang isipan ko at masamang-masama pa ang loob kay ate pagkat may nasabi nanaman ito na lubos kong hindi matanggap kaya naisipang magtungo kina Sister Claire para humingi ng tulong at payo sa kanya. Naliwanagan naman ako sa mga ipinayo ni Sister at napagdesisyunang pakikinggan muli ang ate sa pangalawang pagkakataon pagkat kung para talaga sa’yo ang bagay na iyon, kusa iyong lalapit sa’yo, kahit ano pa ang mangyari at maging desisyon mo na gaya lamang ng sa pag-ibig na kung para talaga sa’yo ang taong iyong minamahal.

13H-I. Gagawa ng paraan ang tadhana para magkalapit muli kayo kahit ilang beses man kayo paglayuin ng mga taong tutol sa pagmamahalan niyo at iyon ang mga natutuhan ko mula kay Sister Claire na ikinapanatag ng kalooban at iniisip na marami pang opurtunidad na nag-aabang sa akin, hindi lamang iyon, na mas maganda at maayos. Sa dami ng mga sinasabi’t pangaral nito sa akin na pawang patungkol lamang sa Diyos, napatagal muli ako sa kanila at nagdasal pa kami bago ako magpaalam sa kanya. Habang dinadasalan ay kaiba ito kaysa mga nakaraang nagdarasal ako o ipinagdadasal dahil nakaramdam ako bigla ng paggaan ng kalooban at maging hinanakit ko sa aking kapatid, parang bula kung maglaho.

13H-J. Hindi ko mawari kung bakit nangyayari ang bagay na iyon, na hirap ipaliwanag basta ang alam ko lamang, parang unti-unti nang napapatawad ang mga taong nagbigay ng sakit ng loob sa akin. Hindi muna kaagad ako umuwi at sinamahan pa si Aling Pammy sa paglalako ng mga damit. Nakakaramdam na ng kagutuman sa sikmura kaya hindi ko na natapos pa ang pagsama kay Aling Pammy sa paglalako’t diretso lamon pagkaalpas ng tahanan. Kinahapunan, kating-kati akong lumabas ng bahay at magtungo sa bahay ng kaibigan subalit mas pinili na lamang ang manatili at baka kailanganin kung sakali. Medyo nababagot ako kaya naisipang magbasa ng Bibliya. Gustong-gusto kong magbasa ng bibliya at matuto pa ng salita ng Diyos, subalit tinatamad ako. Kinagabihan at gawa na hindi naman makanuod ng Telebisyon dala na nagliligalig ang Kuya Al, tamang soundtrip na lamang hanggang sa dapuan ng antok.         


January 20, 2019
Sunday

Year VII-020

13H-K. Nakakatuwa at nagpapasalamat dahil tuluyan na ngang nakabangon mula sa Depression na aking dinanas nitong mga nakalipas na araw nang hindi namamalayan. Tunay ngang napakabuti ng panginoon at sa kabila na batid kong malabuhangin ang kasalanan, hindi niya ko hinayaang malugmok ng tuluyan sa Depression, bagkus ay iyon pa nga ang naging daan, ang mga kabiguan ko sa buhay para lalo pang mapalapit sa kanya, kaya nararapat lamang na ialay ko ang araw na ito sa ating Panginoon. Magsisimba sana ako sa Church nina Sister Claire subalit nag-aalangan pagkat aalis sina Mama at isasama pa nila si Papa. Pumayag naman ako na isama nila si Papa para naman makalabas-labas ito at hindi tuluyang lamunin ng kanyang kalungkutan kahit Worship Day naming mga Christian, kaso ayaw nitong sumama at mas pinili pa talagang magmukmok na maghapon nanaman niyang bubunuin at patuloy na ikikintal sa isipan ang negatibong bagay. Kahit nag-aalinlangan sa una’y mukhang matutuloy na ko. Talaga ngang gagawa ng paraan ang Panginoon para makapagsampalataya ka sa kanya.

13H-L. Maya-maya pa’y tinawag na ko ni Sister Claire at nagtungo na kami sa bahay sambahan ng Born-Again. Saktong nagsasalita na ang Pastor pagkatungo namin at pagkauwi galing sa pagsamba, abot-abot ang pagkabahala pagkat nababalisa nanaman si Papa at hindi nito maiwasang maging Nega. Sa una’y napagpapasensiyahan ko pa at walang ginawa kundi payuhan ito, subalit tila teyngang kawali ito at patuloy sa pag-ungis na tila ba may dinaramdam kaya lalo pang nag-alala hanggang sa dumating sa puntong magtungo na kina Aling Pammy para humingi ng tulong. Habang kausap ito ang pagdating naman nina Mama kaya hindi ko na ito pinatuloy pa at sa pagbabalik sa bahay ay saka lamang umayos si Papa. Kung totoo man talagang may masamang ispiritong umaali-aligid sa bahay na siyang na nagiging dahilan kung bakit nagkakaganon ang mga magulang, nagtitiwalang sa makapangyarihang taglay ng ating Diyos ay mapapalayas niya ang mga ito at magbabagsak ng mga anghel para protektahan kami.

13H-M. Pagpatak ng hapon nang magtungo muli ako kina Regine. Saktong naroroon pa si Annie at tamang kwentuhan muli kaming dalawa. Maya-maya pa'y bumaba kami sa Sapa at sa pagbaba namataan si Inday. Malayong-malayo na ito sa dating hitsura na babae pagkat aakalain mong isa nang binatilyo at lalaking-lalaki. Walang ibang ginawa sa akin si Inday kundi makipag-asaran at ang lakas nitong mang-asar na akala'y batikana na't ayaw patalo. Ilang sandali pa'y umahon na kami ni Annie at  kahit mas nakakaangat kami kumpara sa kanila, masaya naman ang pamilya nila pagkat nakikitang nagkakasundo ang bawat isa o magkakapatid at marami pang mga paslit sa kanila na kahit may kalikutan dulot na wala pang mga isip, ang kakulitan nila ang nagbibigay saya sa akin. Napasarap ang pananatili ko sa kanila kaya bandang Alas-otso nang mapagpasyahang umuwi.                    

January 21, 2019
Monday

Year VII-021

13H-N. Umaga nanaman pala, araw pa ng Lunes at back to work ang karamihan samantalang nanatiling nakanga-nga at halos mamuti na nga ang mata sa kakahintay ng trabaho. Kahit medyo pahirapan ang makahanap ng trabaho at gastos pa sa pamasahe, alam kong may plano ang Diyos kung bakit nangyayari sa akin ang ganito at kung anuman iyon, nawa'y maging handa ako. Hindi naman maglalatag ang Diyos ng tadhanang ikakapahamak mo sapagkat gaya ng ating mga magulang, mahal niya tayo bilang anak. Kaaga-aga at pagkagising ko pa lamang ay pagbubunganga agad ni Mama ang bumungad at ipinaparating kung gaano ako kawalang kwentang tao. Nasaktan ako sa mga sinabi ni Mama pagkat totoo naman ang patutsada niya sa akin, subalit ayaw kong magalit kaya sa halip na sagutin ito'y hinayaan na lamang siya at nag-almusal.

13H-O. Ang mga sinabi ni Mama ang lalo pang nagpaigting para maramdaman ang pagka-guilty at hindi ko masuklian ang mga naitulong nila sa akin simula ng bata pagkat wala pa ngang trabaho, nagtitiwalang balang araw ay magagawa ko iyon at mas higit pa kaysa sa naibigay nila sa akin. Pagkaalmusal ay pagsusulat muli ng hindi matapos-tapos na kwento ang pinagkaabalahan ko ngayong nanatili pa ring nakatengga sa bahay. Kasarapan ng pagsusulat ko ng kwento nang makatikim muli ng pagbubunganga ni Mama at dalawa na sila pagkat sumali pa ang ate. Pagod na pagod na kong magtimpi at kanina pa naba-badtrip kaya alam ko man na mali ay sinagot-sagot ko na sila at tahasang ibinulalas ang lahat ng sama ng loob. Sa puntong iyon ay nagising nanaman ang hidwaan sa bahay at palitan kami ng mabibigat at maanghang na salita magkapatid.

13H-P. Sa takot na baka maulit muli ang nangyari sa akin nung isang araw, pinapahupa ko ang aking emosyon. Sadyang mapagmataas ang kapatid ko at idinuldol sa isipan na hanggang diyan lang ako samantalang malayo ang narating nito at may mararating pa. Nayamot ako ng husto sa mga sinabi pagkat isa sa pinakaaayawan ko sa tao ang pagiging mapagmataas at sa yamot ko, halos isumpa na ito, kaso di ko ginawa pagkat hindi kalulugdan ng Diyos. Tumigil naman sila kalaunan at dahil may natitira pang imbyerna sa kaibuturan ng dibdib, padabog akong naglinis ng bahay at hindi mawari kung bakit hindi mapigilan ang galit, para bang may sarili itong hininga at patuloy na aatake kahit sinasabi ng isip na tama na yan.

13H-Q. Nang tuluyang humupa ang galit sa dibdib, saka ko lamang napagtanto talaga na maling-mali ang ginawa at nagsisisi kaya todo hingi ng paumanhin sa Panginoon at nawa'y mapatawad pa pagkat paulit-ulit akong nakakagawa ng mga kasalanan at bagay na hindi kalugod-lugod sa kanya. Aywan ko ba kung bakit nagagawa pa rin ang mga bagay na gusto ko nang talikdan gaya ng pagsagot-sagot kina Mama, marahil ay kinokontrol ako ng kaaway ng Diyos sa tuwing napopoot. Matapos ang gawaing bahay, ipinagpatuloy ko ang pagsusulat ng kwento na naantala kanina. Sa sobrang abala ko, hindi namamalayang tanghaling-tapat na. Pagpatak ng hapon maging sa gabi, pagsusulat lamang ng kwento ang inatupag ko at nagbasa-basa kahit paano ng Bible para naman malinawan pa ang utak sa aking mga ginagawa. Dahil ugali talaga ang magpuyat, inabot nanaman ng bagong araw sa pagtulog.

January 22, 2019
Tuesday

Year VII-022

13H-R. Isang maginhawang umaga ang sumalubong sa aking paggising at iniisip na maraming pag-asa, basta isaisip mo lang ang Diyos at manalig. Pagkaalmusal at bilang pampalipas oras ay paggawa muli ng kwento ang napagkaabalahan. Maya-maya pa at nang magsawa sa pagsusulat ng kwento, naisipan ko naman gampanan ang gawaing bahay nang sa ganon ay matuwa sila sa akin at makitang may silbi pa rin sa kabila na nakatengga na lamang sa bahay. Matapos ang gawaing bahay ay saka ko lamang ipinagpatuloy ang pagsusulat ng kwento at sa maghapon ay iyon lamang ang pinagkaabalahan ko. Kinagabihan at gawa na nababagot manatili sa bahay, naisipan kong puntahan si Poypoy para itanong ang patungkol sa kanilang training.

13H-S. Nakakainggit lamang dahil siya yung tipong hindi nakapagtapos ng pag-aaral subalit tila mauunahan pang magkaroon ng trabaho. Gustong-gusto kong maging tulad ni Poypoy na madiskarte at matiyaga at kahit paano'y may naitulong siya sa akin at nagkaroon pa nga ng idea kung paano makakahanap ng magandang trabaho. Sa hinaba-haba ng aming usapan at napupunta na rin kung saan-saan, hindi namamalayang lumalalim na ang gabi at kailangan nang umuwi. Hindi pa makatulog kaya naisipan ko munang mag-soundtrip. Christian Song ang napili kong pakinggan at sa totoo lamang, ang gaan at sarap sa pakiramdam kapag nakikinig ng awiting makalangit at para kang nasa langit na kasama si God. Dahil diyan kaya may kapanatagan akong natulog at naniniwalang poprotektahan kami ng Panginoon sa anumang dumating na panganib sa magdamag. 

January 23, 2019
Wednesday

Year VII-023

13H-T. Kakapamulat pa lamang ng aking mga mata ay boses agad nina Mama at Papa ang bumungad sa aking pandinig at tila may nagaganap na diskusyon sa pagitan nila. Patungkol sa bayarin ng tubig at kuryente ang pinag-aawayan nila pagkat hindi ilang araw nang hindi matahimik si Papa sa kakaalala ng bill at napuno na si Mama dulot ng kakulitan nito. Walang ginawa si Mama kundi paulanan ng nakakapasong salita si Papa at pagkayamot nito, pumasok na lamang sa kwarto at maging ako na nanahimik at nakahiga lamang ay hindi nakaligtas sa pagka-Beast Mood nito. Hindi tuloy naging maganda ang dating ng umaga pagkat nadatnang nag-aaway ang dalawa kong magulang at bakit na kaya nagkaganito ang pamilya? Namamayagpag muli ang pangamba sa dibdib pagkat hindi maiwasang isipin na baka bumalik muli ang sakit ni Mama subalit nagawa pa ring ipanatag ang kalooban at naniniwalang hindi pahihintulan ng Diyos na magdusa muli si Mama sa ganong karamdaman.

13H-U. Kung nagawa man ni Mama na lampasan ang sa kanya, umaasang malalampasan din ni Papa kung ano ang kinakaharap niya ngayon na siyang patuloy na nagbibigay pagkabahala sa kanyang isipan. Hindi ko man gusto ang mga dumarating na pangyayari sa panahong ito, walang dahilan para ma-frustrate muli at kailangan ko pa rin magpatuloy at magpakatatag. Kahit anuman ang mangyari, matuto pa rin dapat ilagay sa pagkatao ang pagiging maligaya. Dahil nagwawariwat na si Mama at sa takot na mapagbuntungan, bumangon na ko't nag-almusal. Pagkatapos ay pagsusulat muli ng kwento ang inatupag at naisipan ko na rin magpatugtog ng Christian Song para umalis ang masasamang ispirito na kampon ng demonyo na pagala-gala sa bahay na siyang nagiging sanhi kung bakit may nangyayaring away at nararanasan ang galit sa puso na hirap pahupain. Sumisigla talaga ang pakiramdam sa awiting makalangit at tila ba nakikisabay ang nasa loob.

13H-V. Tumigil lamang ako sa pagsusulat ng kwento nang oras na para lumamon. Pagpatak ng tanghaling tapat ay nagtungo ako sa LBC para magbayad na ng kuryente at tubig na matagal nang pinoproblema ni Papa. Dahil kakaunti lamang ang mga kostumer, kaagad din akong nakapagbayad. Sa layo ng nilakad magmula sa Sandigan hanggang bahay sa kagustuhang makatipid, paguran akong nakatungtong ng tahanan. Walang magawa kaya panonood muli ng telebisyon ang napagkalibangan ko. Kinagabihan, tamang lakwatsa muli ako upang iwas bagot at nakipagkwentuhan kina Ellen Joyce. Sa saya nilang kausap, parang ayaw ko pang umuwi kahit may dis-oras na ng gabi. Bandang Alas-nuebe nang mapagpasyahan kong umuwi. Hindi pa ko makatulog kaya sige lamang sa pagsusulat ng kwento. Inabot nanaman ako ng hating-gabi bago matulog.      

January 24, 2019
Thursday

Year VII-024

13H-W. May kakinaman na ang liwanag mula sa labas nang ako'y magising at kaagad na bumangon. Pagkaalmusal at bilang libangan, pagsusulat at pag-e-edit ng kwento ang inatupag ko. Maya-maya pa'y sinimulan ko na ang gawaing bahay at nagwalis-walis-punas. Kahit ganito lamang ang gawaing sa araw-araw na simple, umaasang may mararating at higit pa kaysa sa tinatamasa ko ngayon ang magiging buhay, basta hindi mamatay ang pagtitiwala at pananalig sa Panginoon. Gawa na nababagot manatili sa bahay, naisipan kong puntahan si Sister Claire. Patungkol pa rin sa salita ng Diyos ang laman ng aming usapan at bukod sa maraming natutuhang magagandang bagay sa kanya, gumagaan din ang loob kapag kausap ito. Iba talaga ang titimo sa iyong puso kapag pinapapasok mo palagi ang Diyos sa buhay mo. Pagpatak ng hapon ng magtungo sa bahay si Pastora Leah at inayang makilahok sa kanilang bible study.

13H-X. Dahil wala naman gagawin sa bahay at sa kagustuhang makakilala pa sa Panginoon at makakalap ng kaalaman mula sa salita niya, hindi na ko naging maligoy pa sa pagsama. Saktong wala pa ang mga kaanib pagkatungo namin kaya hindi rin kaagad nakapagsimula at hinintay pa sila. Ilang sandali pa at kahit hindi pa kami kumpleto'y nagsimula na at umawit bilang tanda ng pagsamba sa Diyos at pagkilala sa taglay nitong kapangyarihan. Matapos ang walang kabuhay-buhay na pag-awit ngunit masaya ay nagsimula nang magpangaral si Pastora Leah kahit apat lamang kami. Patungkol sa pagdududa at pagkabagabag na walang kamatayang nanalaytay sa dibdib ang kanyang tinalakay at sa pagtatapos ng bible study ay may kinapulutang aral.
13H-Y. Matutong magtiwala sa sarili at panatilihin ang pananalig sa Diyos, anuman ang mangyari sa buhay, nasa hirap man o ginhawa. Huwag hayaang manatili ang pangdududa at panghihina ng loob dahil sa oras na maghari iyon, hindi matutupad at makukuha ang iyong minimithi, pagkat nagdududa ka sa kakayahan ng Diyos at para mo na rin siyang ininsulto. Dahil bibili pa ko ng gamot ni Papa, umalis ako ng bahay matapos ang aming bible study. Sa haba ng pila sa may Mercury Drugs doon sa Ever Gotesco Mall sa dami ng mga bumibili, halos abutin na nang siyam-siyam, walang ibang ginawa kundi pahabain ang pasensiya at magtiyaga. Halos tatlong oras din ang lumipas nang sa wakas ay makalapag ang paa sa tahanan.

13H-Z. Kinagabihan, tanging pagbabasa ng bibliya ang inatupag ko. Maraming katanungan ang biglang umuukit sa aking isipan at tila hindi matatahimik kung hindi ito masasagot kaya tumungo muli ako sa bahay nina Sister Claire. Pagkadaong ng yapak sa labas ng kanilang tahanan ay nasilayan ko kung gaano ito kaabala. Mukhang napakahalaga ng pinag-uusapan nilang mag-asawa at di ko naman ibig na makaisturbo kaya hindi na ko pumasok pa at umalis. Kay Aling Pammy na lamang ako nagtungo at kahit abala ito sa pagbabasa ng bibliya ay hindi naman niya ipinagkait ang oras para makausap ako’t sagutin ang mga katanungang bumabagabag sa isipan.

13I-A.  Habang nagpapaliwanag si Aling Pammy patungkol sa kung ano ang nakasaad sa bibliya ay doon lamang talaga ako nagising sa katotohanan, sa katotohanang lumapit na sa akin nung pinapangaralan ako ni Ate Ging na akala’y tinutuligsa nito at paniniwala at tradisyon ng relihiyong aking kinagisnan. Ngayong malinaw na sa akin ang lahat dahil nasusulat sa bibliya, namulat pala ako sa maling paniniwala ng Katoliko gaya ng paghalik at pagsamba sa mga rebultong kahoy o imahen. Hindi ba nila alam na sa kanilang ginagawa, nilalabag na ang kautusan ng Diyos at sa paulit-ulit nilang paghalik, minsan ay dinadasalan pa nga’y paulit-ulit din nilalapastangan ang Diyos! Sa sobrang pagkamausisa ko pagkat alam na ng puso na maraming mali sa Religious Practices ng Simbahang Katolika, nagtanong pa ko kay Aling Pammy at talaga nga namang nagulat ako at agad na naniwala dahil wala sa bibliya ang karamihan at ang ilan ay salungat pa gaya sa pagsamba sa mga santo.

13I-B.  Wala akong ibang maramdaman kundi inis at pagsisisi sapagkat naloko ng ganung paniniwala at paraan ng pananalig. Ngayong nagising na sa katotohanang matagal na palang kumakatok sa aking pandinig, di lamang pinakikinggan, ipinapasadiyos ko na nawa’y magising na rin ang pamilya ko at maiahon mula sa maling paniniwala na nagbibigay ng kapahamakan sa kanila tungo sa dagat-dagatang apoy. Hindi ako makapaniwalang makasalanang relihiyon pala ang Katoliko dahil sa kaugaliang salungat sa salita ng Diyos at simula ng gabing iyon ay idineklara ko na ang sarili na wala na sa relihiyon at tanging sa bibliya at Diyos na lamang papaniwalaan. Kasalanan ito ng mga paring nagpalaganap ng maling katuruan kaya ngayon ay marami na ang nasa kapahamakan at nawa’y Diyos na ang kumilos para magising ang bawat mamamayang Katoliko.                   


January 25, 2019
Friday

Year VII-025


13I-C.  Naipanganak man akong Katoliko at ipinagmamalaki ang kinagisnang relihiyon dahil sa kami ang kinikilalang tunay na Kristiyano at pinakamarami sa buong bansa. Sa kabila ng katanyagang tinataglay nito at aakalain mong banal ang mga namumuno dito gaya ng mga kaparian at Santo Papa, sa aking pagkakatuklas, hindi akalaing may baho pala silang tinatago at gumagawa ng hakbang na hindi kalugod-lugod sa Diyos. Ngayon, panahon na talaga para hubarin ang pagiging Katoliko at barahin ang paniniwalang nanuot sa isipan dulot ng kinamulatang relihiyon. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil siya pa mismo ang kumilos para magising ako sa katotohanan. Sadyang kay buti rin nito sa akin sapagkat hindi niya ko hinayaang mapahamak at ngayon lamang napagtanto na may purpose ang Panginoon kung bakit nangyayari ang ganito sa akin at pinagdaraanan. Marahil kung hindi lamang nagkasakit si Mama, hindi namin makikilala sina Sister Claire at Aling Pammy na sila ang daan para maiahon kami mula sa maling paniniwala ng Katoliko at mapalapit pa lalo ang loob sa Diyos.

13I-D.  Kung pumasa marahil ako sa board exam at nagkatrabaho pa, hindi ko marahil iisiping sumama kina Pastora Leah sa kanilang bible study para lang ma-relief ang nararanasang depression at makilala pa lalo ang Diyos. Lahat ng hindi kagandahang nangyari sa aking buhay, may maganda rin palang patutunguhan. Ngayong nagising na ko sa katotohanan, tila nag-iba na rin ang goal ko sa buhay, parang ayaw ko pang magkatrabaho na dati’y lubos kong pinapangarap. Gusto ko munang ilaan ang panahong ito para iahon ang pamilya sa maling paniniwala pagkat mahal na mahal ko sila at Diyos na ang bahala sa aking adhikain. Hindi naman maatim ng konsensiya na ako lamang ang naligtas, samantalang naghihirap sila sa impyerno kaya gustong-gusto ko iyong gawin, di lamang malaman kung saan magsisimula at paano ko sila mababago sa paniniwala. Batid kong maraming beses nang nakagawa ng kasalanan sa Diyos dahil nasakop ng ganung paniniwala subalit naniniwalang patatawarin niya ko.

13I-E.  May kagaanan pa ring sa loob akong nagising at bumangon sa kabila ng mga natuklasan nagpagitla sa akin at hindi pagsisihan kung tinalikdan ang kinamulatang relihiyon na nakalublob ang paa sa kasalanan. Pagkaalmusal, pagsusulat ng kwento at gawaing bahay ang inatupag. Maya-maya pa, ang kaninang bahay na taimtim ay biglang umingay nang pagkaguluhan ng iilang kapit-bahay ang punong mangga na ngayon ay namumunga na at naging sapalaran sa kanila ang pagsulot ng mga bunga. Isa pa iyon sa ipinagpapasalamat ko sa Panginoon pagkat hindi akalaing sagana pala ang aming bakuran sa mga prutas, di lamang kasi Mangga, mayroon din kaming Puno ng Langka, Abokado at Suha na siyang magbibigay ng biyaya sa amin balang araw.

13I-F.  Kinahapunan nang puntahan muli ako ni Sister Claire para sa bible study. Nababagot ako ng lagay sa bahay kaya wala nang ano-ano pang sumama sa preaching nito at gaya ng nakaraang linggo, nagbahay-bahay kami para ipalaganap ang salita ng Diyos. Labis akong humanga kay Sister Claire pagkat napakahusay nitong magturo at talagang sanay na sanay na. Kina Regine kami huling pumunta at dahil may napag-usapan pa bukod sa salita ng Diyos, inabot na nang gabi sa pag-uwi. Walang ibang maramdaman kundi kagaanan ng loob sa pagbabalik ko sa bahay at may panibagong aral muling kinapulutan mula sa preaching ni Sister Claire. Kinagabihan ay pagsusulat ng kwento at pagbabasa na rin ng bibliya ang inatupag ko. Maya-maya pa’y nagtungo ako kina Sister Claire para malinawan ang isipan patungkol sa bibliya kaso kumakain ang mga ito nang aking datnan, umalis na lamang ako at hindi na bumalik pa dulot ng hiya. Hindi makatulog kaya tamang panonood ng video ang inatupag ko.                       
     

January 26, 2019
Saturday

Year VII-026

13I-G.  Muling tinanghali ng gising at sa lamig ng panahon bitbit ng Hanging Amihan, naging pahirapan sa aking pagbangon at nakakatamad. Pagkalingon sa orasan, pagkagitla ang pumasaakin sapagkat Alas-otso na pala ng umaga. Walang magawa at bilang pampalipas oras, pagta-type ng ibinigay Prayer ni Sister Claire ang inatupag ko. Sa haba at dami ng mga talata, abutin ako ng halos dalawang oras bago matapos at sadyang nangalay ang mga daliri ko subalit ayos lamang, ang mahalaga’y inilaan ko ang oras sa Diyos. Paglilinis ng tindahan ang sunod kong pinagkaabalahan na matagal-tagal na ring hindi nabubuksan at sa dami ng mga kagamitang nakapaloob doon ang kailangang linisan pagkat balot na sa alikabok, napapaisip nang matinding pagod ang makakamtan subalit kakayanin kung gugustuhin mo. Panay ang aking bahing habang mag-isang nagwawalis at punas sa loob ng tindahan at matiyagang pinunasan ang bawat kagamitang balot sa makapal na alikabok.

13I-H.  Naantala ang paglilinis ko sa loob ng tindahan nang may ipag-utos si Papa sa akin. Nang papasok na sana ng bahay ay biglang nasagupa si Poypoy at sa daldal kong nilalang, napasarap ang aming usapan, di na inisip na may gawain pa kong sinimulan na kailangang tapusin. Saktong tanghaling tapat na rin at namamayagpag na ang kagutuman sa Sikmura kaya tinatamad nang tapusin, ang resulta’y binara-bara ko na lamang ang gawa. Kinahapunan nang puntahan muli ako ni Sister Claire pagkat may worship kami ngayong araw church. Di pa naman nagsisimula ang worship kaya sinamahan ko muna si Sister Claire para maghikayat ng ilang mga kaanib. Nakakalungkot lamang sapagkat sa dami ng pinuntahan namin para magtawag, iilan lamang ang willing sumama at ang karamihan ay mas pinili pang matulog o ituloy ang mga balakin na pwede naman ituloy mamaya.

13I-I.  Kakaunti lamang kaming dumalo sa naturang pagtitipon at kahit marami pa ang wala, nagsimula na kami na pinangunahan ni Sister Claire at umawit. Dahil paos si Pastora Leah, si Pastora Mary Anne ang nagbahagi ng magandang balita ng Diyos sa amin at patungkol sa kung saan tayo nagmula ang tinalakay nito. Nang bigayan na ng ikapo’y medyo nag-aalangan akong magbahagi kahit ni piso ay takot na mapawalay sa pitaka sapagkat nababalisa ako sa gagastusin sa mga susunod na araw subalit nagawa pa ring magbigay. Nang una, tigbabarya lamang ang naihulog ko subalit dahil hindi ko na ibig pang pangdudahan ang kakayahan ng Panginoon, dumating sa puntong inialay ko na lahat ng perang mayroon ako at hindi nanghihinayang na masaid nang husto ang laman ng pitaka pagkat malakas ang paniniwalang babalik iyon sa aking palad, hindi man bukas o sa ibang panahong, maging sa mga taong nakapaligid sa akin subalit sa oras na nangangailangan ako, babalik iyon at higit pa nga.

13I-J.  Kaya kung may tinataglay kang kayaman, huwag manghinayang o matakot na ibahagi sa mga nangangailangan pagkat pagpalain ka ng Diyos at kapag nangyari iyon, sa halip na mamulubi ka’y siksik, liglig at umaapaw na biyaya ang mapapasayo. Bandang Alas-singko nang matapos ang worship. Kinagabihan, tamang panonood muli ng Video ang siyang pampalipas oras ko sa lahat na maglakwatsa’t makipaglandian sa mga barkada. Dahil hilig ko talaga ang magpuyat, may kalaliman na rin ang gabi nang mapagpasyahang matulog.               


January 27, 2019
Sunday

Year VII-027

13I-K.  Hindi na Pasko subalit dama pa rin ang malamig na simoy ng hangin at lumalamig pa nga habang lumilipas ang mga araw. Kay banayad ng aking umaga ngayong araw, nasira lamang ng makarinig muli ng pagbubunganga mula kina Mama at Ate. Dahil wala na ko sa Relihiyon at nakakakilala na sa Diyos, batid ng isip na maling makipagsagutan sa kanila, kaso hindi ko matanggap ang mga bagay na ibinabato sa akin at ipinapalabas na walang nangyayari sa pagkukumahog ko pagkat puro raw simula, hindi na napigilan ang sagutin sila para depensahan ang sarili. Lalo pang nagngitngit ang nasa dibdib nang ipag-giitan ng ate na nagmamataas daw ako, kahit ang totoo’y siya nga ang may ganung klaseng pag-uugali. Sa yamot, ibig ko nang magwala, napigilan lamang ang sarili. Batid kong masama ang loob ni Mama at ate matapos ang mga nabitawang salita laban sa kanila kaya namomoblema ako kung kanino hihingi ng perang pamasahe patungo sa bahay sambahan nina Sister Claire. Gustong-gusto kong ilaan ang araw para sumamba sa Diyos kaya kahit walang lamang pera ang pitaka, hindi na ko nag-alangan pa at nagbihis.

13I-L.  Ipinagpasadiyos ko na lamang ang magiging kapalaran sa pagiging pangahas at siya na ang bahala sa akin. Habang nagbibihis ay sa hindi inaasahan ay bigla akong nilapitan ni Mama at nagtanong. Nang makita nitong wala akong pera’y kaagad niya kong binigyan at mas higit pa kaysa sa halagang kinakailangan ko. Tunay ngang napakadakila ng Panginoon at bumalik kaagad sa palad ang perang kahapon pa lamang ay napawalay sa aking pitaka. Sa sobrang pasasalamat ko, mistulan nang loka-lokang naglulundag sa galak at itinaas pa ang pera. Dahil sa pangyayaring iyon, lalo pang tumibay ang paniniwala ko sa presensiya ng Panginoon at kapag may bagay kang ginawa, babalik at babalik sa’yo, sa takdang panahon nga lang. Naniniwala ako na ang lahat ng pangyayari, hindi nagkataon o aksidente lamang pagkat Diyos mismo ang kumikilos para mapabuti ang buhay mo at mapalapit pa lalo sa kanya.

13I-M.  Pagkabihis ay tumungo kaagad ako kina Sister Claire subalit wala ito kaya kina Regine na lamang ako nagtungo. Tuwa ang namayani sa dibdib pagkat sasama ito at hindi lamang si Regine, maging sina Ate Sheryl ay balak din sumama sa aming pagsasamba. Ilang sandali pa nang dumating si Sister Claire at di ko akalain na mangyayari ang ganong bagay na halos lahat sa mga sambahayan ni Regine ay sumama. Sa dami naming magsisipagsamba, muntikan nang hindi magkasya sa iisang tricycle, maigi na lamang at malaki ito. Batalyunan kaming nakarating ng Bahay Sambahan na dinaig pa ang Ex Battalion sa dami’t saktong nagsasalita na ang kanilang Pastor.

13I-N.  Matapos maglahad ng Pastor ng salita ng Diyos ay lumapit kaming lahat na mga bago sa harapan kabilang ang mga kamag-anal ni Regine at Ate Sheryl para dasalan at patuloy na umaawit ang mga kasamahan habang nagdadasal. Maya-maya pa, nilapitan ako ng isa sa mga kaanib, dinasalan at hindi ko lamang lubos maunawaan kung bakit bigla na lamang natumba, samantalang hindi naman tinulak, ni hinawakan at para akong hinahatak paibaba. Ipinaliwanag naman sa akin ni Sister Claire ang patungkol doon na siya pa lalong nagpasidhi sa paniniwalang totoong kumikilos ang Diyos. Matapos ang pagsasamba’t sa gutom, diretso lamon ako sa pagkaing ipinagkaloob ng Panginoon. Kinahapunan at kasama si Aling Pammy ay humayo kami at nagbahay-bahay para magbahagi ng salita ng Diyos subalit wala kaming nabahagian ni isa pagkat lubhang abala ang mga ito. Wala pang balak umuwi kaya tumungo pa kami kina Sister Lovely at nagkwentuhan. Pagkagat ng gabi ay panonood ng Telebisyon ang inatupag ko. Salamat sa Diyos dahil muli niya kong pinagkalooban ng magagandang bagay.                        


January 28, 2019
Monday

Year VII-028

13I-O.  Lunes nanaman pala, nanatiling tambay sa bahay pagkat walang trabaho subalit hindi na nababahala pa pagkat isinuko ko na sa Diyos ang magiging kinabukasan at siya na ang bahala sa lahat-lahat. Kapag nga sumasaiyo ang Diyos, walang dahilan para mangamba sa kung ano ang mga kakaharapin mo pagkat mas malaki at higit siya kumpara sa mga problema o delubyong dumarating sa buhay. Ganito man ako ngayon na nasa bahay na lamang umiikot ang buhay, hindi nangangahulugang magiging ganoon din ang kinabukasan, magsumikap lamang at paigtingin ang pananalig sa Diyos, maaaring mabago iyon. Kaaga-aga subalit pamomoblema kaagad ni ama na hindi matapos-tapos ang bumungad sa aking pandinig. Wala nang ibang nasa isip nito kundi mga negatibong bagay at ilang ulit man pangaralan, talagang hindi ito nakikinig at tanging sarili lamang niya ang inuunawa.

13I-P.  Magkahalong inis at awa ang nararamdaman ko kay Papa pagkat nakikitang parang pinahihirapan na ng kanyang sakit at ilang linggo na rin itong balisa at nade-depress. Sa kagustuhang pagaanin kahit paano ang bigat ng loob na dinaranas ni Papa, panay pangaral ako sa kanya, ni idinawit ko na nga ang mga natutuhan sa Church subalit wala pa rin at naiiyak na ko. Minsan talaga, dahil sa nangyayari sa pamilya ko, napapaisip kung totoo bang may masamang espirito ang gumagala-gala sa loob ng bahay na siyang nagiging dahilan kung bakit nagkaganyan si Mama na ngayon naman ay si Papa. Kung totoo man iyon ay Diyos na ang bahala sa amin at higit na mas makapangyarihan siya kaysa sa mga masasamang espirito na walang ibang ginawa kundi maghasik ng gulo sa sanlibutan at pahirapan ang bawat loob ng sinumang kanilang binibiktima.

13I-Q.  Patuloy sa pag-ungos si Papa na tila may dinaramdam at dala na hindi malaman ang gagawin at nabibigatan na rin, lumabas muna ako. Namamayani man ang hiya sa dibdib ay naisipan ko muling magtungo kay Sister Claire pagkat batid kong siya lamang ang maaaring makaunawa sa bigat na aking pinagdadaanan. Abala ito sa pagbabasa na libro subalit hindi naman niya ipinagkait ang oras na makausap ako. Hindi ko na napigilan pang mapaluha habang inilalahad ang aking pinagdadaanan at sa mga pangaral nito na sangkatutak, unti-unti akong nalilinawan sa aking iniisip at kahit paano’y gumagaan ang sa aking nasa loob.

13I-R.  Ang galing nga ng kaaway pagkat napaniwala akong pinaparusahan na ng Diyos kaya puro pighati at pagdurusa ang dinadanas, kahit ang totoo ay sinusubok lamang ang iyong katatagan at kaaway mismo ang dahilan ng mga problema sa buhay. Natauhan talaga ako sa mga pangaral ni Sister Claire at sa dami-dami ng napag-usapan, hindi namamalayang Alas-dyis na pala’t kailangan ko nang magpaalam sa kanya subalit dinasalan niya muna ako bago umalis. Pagkauwi’y hindi na gaya ng kanina ang pagiging balisa ni Papa pagkat nakakapagluto na ito. Kinahapunan at dahil nababagot muli ng lagay, pagsusulat ng kwento ang inatupag ko. Kinagabihan naman, panonood ng Video ang napagkaabalahan. Dahil sanay sa puyatan, inabot muli ng hating-gabi bago mapagpasyahang matulog.          


January 29, 2019
Tuesday

Year VII-029

13I-S.  Hindi man ako nakapagkamit ng bagay na espesyal para sa paningin ng nakakarami ay may dapat pa ring ipagpasalamat sapagkat ipinagkaloob muli ng Diyos ang araw na ito sa akin at walang napahamak ni isa sa amin sa magdamag. Hindi ko mawari kung bakit naiisip na lamang basta-basta ang ganong bagay, samantalang dati’y hindi ko iyon nagagawa. Iba talaga kapag tinanggap mo na sa puso ang ating Panginoon at nakikilala siya. Dahil tutungo kami ngayon ni Papa sa Court of Appeals upang asikasuhin ang kanyang Reimbursement Fee, pagkaalmusal ay daglian nang naghanda-handa’t bihis. Nang una’y napapaisip kung matutuloy pa ba ang aming lakad pagkat medyo nag-aalangan si Papa at sa napakanegatibo nito subalit kalaunan ay nakumbinsi ko naman pagkat pera rin iyon na kailangan namin. Sa sobrang trapik na hindi masolusyunan ng pamahalaan, inabot kami ng halos dalawang oras bago tuluyang makalayag ang yapak sa Court of Appeals at tumungo muna kami sa Personnel Division para asikasuhin naman ang terminal leave nito.

13I-T.  Dahil naging parte sila ng buhay ko, tamang kamusta lamang ang ginawa lalong-lalo na kina Ma’am Lea at Ma’am Rochelle na talagang sila ang pinakamalapit ang loob sa akin. Kaso hindi na nadatnan pa si Ma’am Carmen at nalungkot ako nang mabatid na nag-retired na ito. Pagkatapos ay tumungo naman kami sa Property Division para sa Reimbursement fee at pinagawa pa nila kami ng liham. Pagkagawa ng liham ay pinapunta pa kami kay Attorney Marigomen para ipalagda.  Nang mapirmahan ay bumalik kami sa Property Division at dahil inabutan na kami ng kanilang lunch break, sinabing bumalik na lamang mamaya pagkat may ipapapirma pa sila kay Papa. Dahil kapwa gutom na, tumungo muna kami sa Robinson Malate at doon na nananghalian. Bandang Ala-una nang bumalik kami’t ang inakalang makukuha na ang pera mula sa Reimbursement, nagkakamali pagkat may proseso pa itong pagdaraanan, ang maganda nga lang, sinabing sila na ang bahalang umasikaso at hintayin na lamang sa bank account ang cash.

13I-U.  Bandang Alas-tres nang makauwi kami sa bahay nang wala man lang dalang pasalubong. Kinagabihan, dahil hindi naman makapanuod ng telebisyon gawa na may kaligaligan ang Kuya Al, nanuod na lamang ako ng video sa Youtube. Dahil mulat na ang aking kaisipan patungkol sa salita ng Diyos, ngayon lamang napagtanto kung gaano na kasama ang mga tao sa sanlibutan at hindi na nila iniisip na nalulungkot na ang Diyos sa kanilang mga paggawang paglapastangan sa kanya gaya ng paggawa ng diyos-diyosan at ito’y kanilang sasambahin, mga pagpatay sa mga walang laban at laganap na rin ang mga taong Atheist o hindi sumasampalataya sa Diyos. Sukdulan na pala ang kasamaan sa sanlibutan, hudyat na nalalapit na ang araw ng paghuhukom. Kaya hangga’t may oras pa, matututo nang magbago at magising na sa katotohanang nakagapos sila sa maling paniniwala at katuruan.               

January 30, 2019
Wednesday

Year VII-030

13I-V.  Saktong maliwanag na sa labas nang ako’y magising at iba ang lamig ngayon kaysa sa mga nakalipas na araw pagkat nakakangatog, nakakatamad tuloy bumangon at gusto’y ibalot lamang ang katawan sa makapal na kumot. Katamad din ang maligo at kung ganito palagi ang panahon, mas nanaisin ko pang maging malamig na lamang kaysa maalinsangan at parang langit ang iyong madarama kapag malamig. Pagkaalmusal, pagbabasa ng bibliya ang inatupag ko at pagsusulat ng kwento. Nakakapanghinayang dahil sinayang ko ang araw na dapat sana’y ilalaan para sa mahahalagang bagay, dili sana’y asensado na ko at patuloy na lumalago subalit hindi pa naman huli ang lahat at may magagawa pa. Sadyang kay bilis ng takbo ng oras at hindi napapansing tanghaling tapat na pala. Kahit tanghali na at tirik na rin ang araw, dama pa rin ang maginaw na panahon, katamad tuloy ang maligo at gusto na lamang ay matulog sa maghapon.

13I-W.  Nababagot talaga ako kaya ibig ng paang maglakwatsa subalit hindi maaari pagkat baka kakailanganin ako sa bahay at makarinig nanaman ng pagbubungangang walang hanggan, nanood na lamang ako ng video. Maging sa gabi’y panonood lamang ng Video ang napaglibangan ko. Habang tutok ang mata sa panonood ay nauulinig ang isang malakas na sigawan mula sa isang dako at tila nagkakatuwaan sila. Pansamantala akong sumilip at nakitang may mga binabae palang nagtatalo at palitan sila ng okrayan sa isa’t isa na tila sumasali lamang sa patimpalak ng mga kandidatang bakla sa Miss Q and A ng Showtime. Tawang-tawa ako sa mga pinaggagawa nila’t talagang patalbugan sa kagandahan di lamang sa palakasan sa pag-ookray. Sa saya, parang ibig kong makisali’t talbugan sila sa kagandahan, kaso baka mag-uwian lamang sila kaya hanggang panood na lamang. Hindi pa ko madalaw ng antok sa mga mata kaya nagbasa muna ng Bible bilang pampaantok. Bandang Alas-onse nang mapagpasyahang kong matulog.        

January 31, 2019
Thursday

Year VII-031